Kabanata 5
Kapag may hinihiling ang Diyos sa mga tao na nahihirapan silang ipaliwanag, at kapag tuwirang tumatama ang Kanyang mga salita sa puso ng tao at inaalay ng mga tao ang kanilang tapat na puso para tamasahin Niya, binibigyan sila ng Diyos ng pagkakataong magnilay-nilay, gumawa ng matibay na pagpapasiya, at maghanap ng paraan para magsagawa. Sa ganitong paraan, lahat ng nabibilang sa Kanyang mga tao ay minsan pang iaalay, na nakakuyom ang mga kamao nang may determinasyon, ang kanilang buong pagkatao sa Diyos. Ang ilan, marahil, ay maaaring gumawa ng isang plano at magtakda ng isang pang-araw-araw na iskedyul, habang naghahanda silang kumilos upang magsumikap, na inilalaan ang kaunti nilang lakas sa plano ng pamamahala ng Diyos upang dalhan ito ng kaluwalhatian at pabilisin ito upang matapos na ito. Noong kimkim ng mga tao ang mentalidad na ito, na mahigpit na pinanghahawakan ang mga bagay na ito sa kanilang isipan habang ginagawa nila ang kanilang gawain, habang sila ay nagsasalita at habang sila ay gumagawa, muling nagsimulang magsalita ang Diyos: “Ang tinig ng Aking Espiritu ay isang pagpapahayag ng kabuuan ng Aking disposisyon. Nauunawaan ba ninyo?” Kapag lalong naging determinado ang mga tao, lalong titindi ang kanilang hangaring maintindihan ang kalooban ng Diyos at mas masigasig silang maghahangad na humiling sa kanila ang Diyos. Dahil dito, ibibigay ng Diyos sa mga tao ang kanilang nais, na sinasamantala ang pagkakataong ito upang ibahagi ang Kanyang mga salita, na matagal nang nakahanda, sa mga pinakaloob na dako ng kanilang pagkatao. Bagama’t tila medyo masakit o magaspang ang mga salitang ito, para sa sangkatauhan ay walang katulad sa tamis na marinig ang mga iyon. Bigla, sumibol ang galak sa kanilang puso, na para bang nasa langit sila o nailipat sa iba pang dako—isang tunay na paraiso ng imahinasyon—kung saan ang mga nangyayari sa mundo sa labas ay wala nang epekto sa sangkatauhan. Para maiwasan ang pagkakataon na ang mga tao, tulad ng nakasanayan nilang gawin noong araw, ay magsalita mula sa labas at kumilos mula sa labas, at sa gayon ay bigong magkaroon ng wastong mga ugat, kapag nakamit na ng mga tao ang hangarin nila sa kanilang puso at, bukod pa riyan, kapag naghanda silang pumasok sa gawain nang may mainit na kasigasigan, inaakma pa rin ng Diyos ang paraan ng Kanyang pagsasalita sa kanilang mentalidad at pinabubulaan, kaagad at nang walang pag-aatubili, ang lahat ng sigla at relihiyosong seremonyang nasa puso nila. Sabi nga ng Diyos: “Talaga bang nakita na ninyo ang kahalagahan nito?” Bago o pagkatapos mang matibay na magpasiya ang mga tao tungkol sa isang bagay, hindi nila binibigyan ng malaking pagpapahalaga ang pagkilala sa Diyos sa Kanyang mga kilos o sa Kanyang mga salita, kundi sa halip ay patuloy nilang pinagninilayan ang tanong na, “Ano ang magagawa ko para sa Diyos? Iyan ang pinakamahalaga!” Kaya nga sinasabi ng Diyos, “At ang lakas pa ng loob ninyong tawagin ang inyong sarili na Aking mga tao sa Aking harapan—wala kayong kahihiyan, lalo nang wala kayong anumang pakiramdam!” Matapos sabihin ng Diyos ang mga salitang ito, natatanto kaagad ng mga tao ang kanilang sarili at, parang nakukuryente, madalian nilang inuurong ang kanilang mga kamay sa kanilang dibdib, na takot na takot na mapukaw ang poot ng Diyos sa ikalawang pagkakataon. Dagdag pa rito, sinabi rin ng Diyos: “Sa malao’t madali, ang mga taong katulad ninyo ay paaalisin mula sa Aking bahay. Huwag kayong umakto na parang mas matalino kayo sa Akin, na ipinapalagay na nakapagpatotoo kayo para sa Akin!” Nang marinig ang mga salitang ito, lalo pang natakot ang mga tao, na para bang nakakita sila ng leon. Alam na alam nila sa kanilang puso. Ayaw nilang makain sila ng leon, samantalang sa kabilang dako, wala silang ideya kung paano tumakas. Sa sandaling ito mismo, ang plano sa puso ng tao ay naglalaho nang walang bakas, lubusan at ganap. Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, pakiramdam Ko ay para bang nakikita Ko ang bawat isang aspeto ng kahihiyan ng sangkatauhan: yuko ang ulo at susukut-sukot kung kumilos, parang isang kandidatong bumagsak sa pagsusulit sa pagpasok sa kolehiyo, na may napakataas na mga huwaran, masayang pamilya, maningning na kinabukasan, at marami pang iba, kasabay ng Apat na Modernisasyon pagsapit ng Taong 2000, na lahat ay naging hungkag na pananalita lamang, na lumilikha ng isang tanawing nasa isip lamang sa isang pelikulang kathang-isip ng siyensya. Ito ay upang palitan ng mga aktibong elemento ang mga walang-kibo, na nagiging sanhi upang ang mga tao, sa gitna ng kanilang pagiging walang-kibo, ay tumayo sa lugar na naitalaga ng Diyos sa kanila. Ang lubhang mahalaga ay ang katotohanan na takot na takot ang mga tao na mawala ang titulong ito; sa gayon, kumakapit sila para mabuhay sa kanilang sariling mga katungkulan, sa matinding takot na baka may isang taong umagaw sa mga iyon. Kapag ganito ang nasa isipan ng sangkatauhan, hindi nag-aalala ang Diyos na maging walang-kibo ang mga tao, kaya ginagawa Niyang mga salita ng interogasyon ang Kanyang mga salita ng paghatol. Hindi lamang Niya binibigyan ng pagkakataon ang mga tao na maghabol ng hininga, kundi binibigyan Niya rin sila ng pagkakataong alalahanin ang dati nilang mga hangarin bago ngayon at ayusin ang mga iyon para masangguni sa hinaharap: Anumang di-angkop ay maaaring baguhin. Ito ay dahil hindi pa nasisimulan ng Diyos ang Kanyang gawain—ito ay isang piraso ng magandang kapalaran sa gitna ng malaking kasawian—at, bukod pa riyan, hindi Niya kinokondena ang mga iyon. Kaya, hayaan mong patuloy kong ibigay sa Kanya ang buo kong debosyon!
Sumunod, hindi mo dapat isantabi ang mga salita ng Diyos nang dahil sa iyong takot. Tumingin upang makita kung mayroong anumang bagong mga hinihingi ang Diyos. Tiyak, makakatuklas ka ng ganito: “Simula sa oras na ito, sa lahat ng bagay, kailangan mong pumasok sa realidad ng pagsasagawa; kapag puro daldal ka lamang, tulad ng nagawa mo noong araw, wala ka nang mararating.” Dito ay hayag din ang karunungan ng Diyos. Naingatan palagi ng Diyos ang Kanyang sariling mga saksi, at nang matapos na ang realidad ng mga salita noong araw, walang sinumang makaarok sa kaalaman tungkol sa “realidad ng pagsasagawa.” Sapat na ito upang patunayan ang katotohanan ng sinabi ng Diyos: “Ako Mismo ang nagsasagawa ng gawain.” May kinalaman ito sa totoong kahulugan ng gawain sa pagka-Diyos, at gayundin sa dahilan kaya ang sangkatauhan, matapos marating ang isang bagong punto ng simula, sa kabila noon ay hindi pa rin kayang maarok ang totoong kahulugan ng mga salita ng Diyos. Ito ay dahil, noong araw, halos lahat ng tao ay nakakapit sa realidad ng mga salita ng Diyos, samantalang ngayon ay wala silang ideya tungkol sa realidad ng pagsasagawa, na nauunawaan lamang ang mabababaw na aspeto ng mga salitang ito ngunit hindi ang diwa ng mga ito. Ang mas mahalaga pa, ito ay dahil ngayon, sa pagtatayo ng kaharian, walang sinumang pinahihintulutang makialam, kundi sumunod lamang sa utos ng Diyos na parang mga robot. Tandaan itong mabuti! Tuwing babanggitin ng Diyos ang nakaraan, nagsisimula Siyang magsalita tungkol sa aktuwal na sitwasyon sa ngayon; isa itong anyo ng pagsasalita na lumilikha ng kapansin-pansing pagkakaiba sa pagitan ng kung ano ang nauuna at kung ano ang sumusunod, at dahil dito ay nakakamit ang mas mabubuti pang bunga, na nagbibigay-kakayahan sa mga tao na ikumpara ang kasalukuyan sa nakaraan, at sa ganitong paraan ay naiiwasan ang pagkalito sa dalawang ito. Ito ay isang panig ng karunungan ng Diyos, at ang layunin nito ay upang makamit ang mga bunga ng gawain. Pagkatapos nito, minsan pang ibubunyag ng Diyos ang kapangitan ng sangkatauhan, nang sa gayon ay hindi malimutan ng sangkatauhan kailanman na kumain at uminom ng Kanyang mga salita araw-araw at, ang mas mahalaga pa, upang makilala nila ang kanilang sarili at ituring itong aral na kailangan nilang matutuhan araw-araw.
Matapos sambitin ang mga salitang ito, nakamit na ng Diyos ang mga epektong orihinal Niyang nilayon. Kaya nga, pinararaanan Niya ito sa iilang pangungusap nang hindi pinapansin kung naunawaan ba Siya ng sangkatauhan o hindi, dahil walang kinalaman ang gawain ni Satanas sa sangkatauhan—walang ideya ang sangkatauhan tungkol dito. Ngayon, tinatalikuran ang daigdig ng mga espiritu, tingnan pang mabuti kung paano humihiling ang Diyos sa sangkatauhan: “Habang nagpapahinga sa Aking tirahan, nagmamasid Akong mabuti: Lahat ng tao sa mundo ay nagmamadali, ‘naglalakbay sa buong mundo’ at nagpaparoo’t parito, lahat para sa kapakanan ng kanilang tadhana at kanilang hinaharap. Gayunma’y wala ni isa ang may lakas na mailalaan sa pagtatayo ng Aking kaharian, ni walang lakas na kailangan upang humugot ng hininga.” Pagkatapos ng pakikipagpalitang ito ng mga nakagawian sa mga tao, hindi pa rin sila pinapansin ng Diyos, kundi patuloy Siyang nagsasalita mula sa pananaw ng Espiritu, at, sa pamamagitan ng mga salitang ito, ibinubunyag ang pangkalahatang mga sitwasyon ng buhay ng lahi ng tao sa kabuuan nito. Maliwanag na makikita, mula sa “naglalakbay sa buong mundo” at “nagpaparoo’t parito,” na ang buhay ng tao ay ganap na walang nilalaman. Kung hindi sa walang-hanggang kapangyarihan ng Diyos na magligtas, at lalo na para sa mga isinilang sa mahihirap at malalaking pamilya ng imperyal na lipi ng Tsina, lalo pang mas madaling mamuhay nang walang kabuluhan ang mga tao habambuhay, at mas mabuti pang mahulog sila tungo sa Hades o impiyerno kaysa isilang sa mundo. Sa ilalim ng paghahari ng malaking pulang dragon, lingid sa kanilang kaalaman, nagkasala sila sa Diyos, at samakatuwid ay natural at wala silang kamalay-malay na sumailalim sila sa pagkastigo ng Diyos. Dahil dito, kinukuha ng Diyos ang mga “nasagip na” at “mga walang utang-na-loob,” at pinagsasama sila upang ihambing ang bawat isa upang mas malinaw na makikilala ng mga tao ang kanilang sarili, na lumilikha mula rito ng isang hambingan sa Kanyang nakapagliligtas na biyaya. Hindi ba ito nagsasanhi ng mas mabisang resulta? Siyempre, hindi Ko na kailangang sabihin pa nang tahasan na, mula sa nilalaman ng mga pagbigkas ng Diyos, maaaring makahiwatig ang mga tao ng isang elemento ng pagsaway, isang elemento ng pagliligtas at pakiusap, at kaunting pahiwatig ng kalungkutan. Sa pagbasa sa mga salitang ito, hindi namamalayan ng mga tao na nagsisimula silang makadama ng pagkabalisa, at hindi nila maiwasang mapaluha…. Gayunman, hindi mapipigilan ang Diyos dahil sa ilang malulungkot na damdamin, ni hindi Niya tatalikuran ang Kanyang gawain, dahil sa katiwalian ng buong lahi ng tao, sa pagdisiplina sa Kanyang mga tao at paghiling sa kanila. Dahil dito, ang Kanyang mga paksa ay tuwirang bumabanggit sa mga sitwasyong tulad ng sa ngayon, at bukod pa riyan, ipinapahayag Niya sa sangkatauhan ang kamahalan ng Kanyang mga atas administratibo upang patuloy na sumulong ang Kanyang plano. Ito ang dahilan, na sinusundan ito nang may taglay na nararapat na bilis at sinasamantala kaagad ang pagkakataon, kaya nagpapahayag ang Diyos sa maselang yugtong ito ng isang konstitusyon para sa panahong ito—isang konstitusyon na kailangang basahin ng mga tao, na pinapansing mabuti ang bawat sugnay, bago nila maunawaan ang kalooban ng Diyos. Hindi na kailangang talakayin pang lalo ito ngayon mismo; kailangan lamang magbasang mabuti ang mga tao.
Ngayon, kayo—ang grupo ng mga taong narito—ang tanging tunay na makakakita sa mga salita ng Diyos. Magkagayunman, sa pagkilala sa Diyos, ang mga tao sa ngayon ay napag-iwanan na ng sinumang isang tao sa nakaraang mga kapanahunan. Dahil dito, sapat na ang linaw kung gaano kalaking pagsisikap ang ibinigay ni Satanas sa mga tao sa loob ng ilang libong taon na ito, gayundin kung gaano kalalim nito nagawang tiwali ang sangkatauhan—na napakalaki kaya sa kabila ng maraming salitang nasambit ng Diyos, hindi pa rin Siya nauunawaan ni nakikilala ng tao, kundi sa halip ay nangangahas siyang magbangon at kontrahin Siya nang lantaran. Kaya nga, malimit na itinataas ng Diyos ang mga tao ng nakaraang mga kapanahunan bilang mga kahambing para sa mga tao sa ngayon, upang bigyan ang huli, na mga manhid at mapurol ang ulo, ng makatotohanang mga punto ng sanggunian. Dahil walang kaalaman ang mga tao tungkol sa Diyos, at dahil wala silang tunay na pananampalataya sa Kanya, nahatulan na ng Diyos ang sangkatauhan na walang mga kwalipikasyon at katwiran; sa gayon, muli’t muli, nagpakita na Siya sa mga tao ng pagpaparaya at nabigyan sila ng kaligtasan. Isang digmaan ang pinaglalabanan sa larangang ito sa dako ng espiritu: Walang kabuluhan ang pag-asa ni Satanas na gawing tiwali ang sangkatauhan hanggang sa isang tiyak na antas, gawing kasuklam-suklam at masama ang mundo, at sa gayon ay hilahin ang mga tao pababa sa burak kasama nito at sirain ang plano ng Diyos. Gayunman, ang plano ng Diyos ay hindi upang gawin ang buong sangkatauhan na mga taong nakakakilala sa Kanya, kundi sa halip ay piliin ang isang bahagi upang kumatawan sa kabuuan, na iniiwan ang natira bilang nasayang na mga produkto, bilang mga produktong may sira na itatapon sa basurahan. Sa gayon, bagama’t mula sa pananaw ni Satanas ang pag-angkin sa ilang tao ay tila isang magandang pagkakataon upang wasakin ang plano ng Diyos, ano kaya ang alam ng isang hangal na katulad ni Satanas tungkol sa layunin ng Diyos? Ito ang dahilan kaya sinabi ng Diyos, noong unang panahon, “Natakpan Ko na ang Aking mukha upang maiwasang tumingin sa mundong ito.” Mayroon nga tayong kaunting nalalaman tungkol dito, at hindi hinihiling ng Diyos na magkaroon ng kakayahan ang mga tao na gawin ang kahit ano; sa halip, nais Niyang tanggapin nila na ang Kanyang ginagawa ay mahimala at di-maarok, at magkaroon ng pusong may takot sa Kanya. Kung kakastiguhin sila ng Diyos, tulad ng iniisip ng mga tao, nang walang pagsasaalang-alang sa sitwasyon, matagal na sanang nalipol ang buong mundo. Hindi ba ito mangangahulugan ng pagkahulog sa bitag mismo ni Satanas? Kaya nga, ginagamit lamang ng Diyos ang Kanyang mga salita upang makamtan ang mga bungang nasa Kanyang isipan, ngunit bihirang dumating ang mga katunayan. Hindi ba ito isang halimbawa ng Kanyang mga salitang, “Kung hindi Ako naawa sa inyong kawalan ng mga kakayahan, katwiran, at mga kabatiran, malilipol kayong lahat sa gitna ng Aking pagkastigo, mabubura kayo sa mundo. Magkagayunman, hanggang sa matapos ang Aking gawain sa mundo, mananatili Akong maluwag sa sangkatauhan”?