Kabanata 9
Sa imahinasyon ng mga tao, ang Diyos ay Diyos, at ang mga tao ay mga tao. Hindi nagsasalita ang Diyos ng wika ng tao, ni hindi kaya ng mga tao na magsalita ng wika ng Diyos. Para sa Diyos, madaling gawin ang mga hinihiling ng sangkatauhan sa Kanya—nang paisa-isa—samantalang ang mga hinihiling ng Diyos sa sangkatauhan ay mahirap gawin at mahirap isipin para sa mga tao. Gayunman, kabaligtaran nito mismo ang katotohanan: Hinihiling lamang ng Diyos ang “0.1 porsiyento” sa mga tao. Hindi lamang ito nakakagulat sa mga tao, kundi labis din itong nagpapalito sa kanila, na para bang lahat sila ay nasa dagat. Dahil lamang sa kaliwanagan at biyaya ng Diyos kaya nagtatamo ang mga tao ng kaunting kaalaman tungkol sa kalooban ng Diyos. Gayunman, noong Marso 1, lahat ng tao ay minsan pang nalilito at nagkakamot ng kanilang ulo; hiniling ng Diyos na maging makislap na niyebe ang Kanyang mga tao, hindi nakalutang na mga ulap. Kaya, ano ang tinutukoy nitong “niyebe”? At ano ang ipinahihiwatig ng “nakalutang na mga ulap”? Sa puntong ito, sadyang walang inihahayag ang Diyos tungkol sa mas malalim na kahulugan ng mga salitang ito. Isinasadlak nito ang mga tao sa kalituhan, at sa gayon ay pinag-iibayo ang kanilang pananampalataya habang naghahangad sila ng kaalaman—sapagkat ito ay isang partikular na hiling sa mga tao ng Diyos, at wala nang iba; samakatuwid ay nasusumpungan ng lahat ng tao ang kanilang sarili na gumugugol ng mas maraming panahon nang hindi sinasadya sa pagninilay sa mga salitang ito na hindi maarok. Dahil dito, sari-saring mga ideya ang umuusbong sa kanilang utak, kumikislap sa harap ng kanilang mga mata ang nakalutang na mga piraso ng niyebe, at agad na lumilitaw sa kanilang isipan ang nakalutang na mga ulap sa himpapawid. Bakit hinihiling ng Diyos na maging tulad ng niyebe ang Kanyang mga tao, at hindi tulad ng nakalutang na mga ulap? Ano ang tunay na kahulugan dito? Saan ba talaga partikular na nakatukoy ang mga salitang ito? Ang “niyebe” ay hindi lamang pinagaganda ang kalikasan, kundi nakakabuti rin sa bukirin; nakakabuti ito sa pagpatay ng mga mikrobyo. Pagkatapos ng isang malakas na pag-ulan ng niyebe, lahat ng mikrobyo ay natatakpan ng kumikislap na niyebe, at nag-uumapaw kaagad ang sigla sa buong lugar. Gayundin, hindi lamang kailangang makilala ng mga tao ng Diyos ang Diyos na nagkatawang-tao, kundi disiplinahin din ang kanilang sarili sa katunayan ng pagkakatawang-tao ng Diyos; sa paggawa nito, isasabuhay nila ang normal na pagkatao. Ganito pinagaganda ng niyebe ang tanawin; sa huli, ang paggulang ng mga tao ng Diyos ang maghahatid ng katapusan sa malaking pulang dragon, magtatatag ng kaharian ng Diyos sa lupa, magpapalaganap at luluwalhati sa banal na pangalan ng Diyos, upang ang buong kaharian sa lupa ay mapuno ng katuwiran ng Diyos, sumisikat sa Kanyang kaningningan, at kumikislap sa Kanyang kaluwalhatian. Sa lahat ng dako ay magkakaroon ng mga tagpo ng kapayapaan at katiwasayan, kaligayahan at katuparan, at patuloy na pinanibagong kagandahan. Ang sari-saring mga salot na kasalukuyang umiiral—ang tiwali at napakasamang mga disposisyon, tulad ng kawalan ng katuwiran, kabuktutan at panlilinlang, masasamang pagnanasa, at iba pa—ay aalising lahat, at sa gayon ay mapapanibago kapwa ang langit at ang lupa. Ito ang tunay na kahulugan ng “pagkatapos ng isang malakas na pag-ulan ng niyebe.” Yaong mga nakalutang na ulap ay katulad ng uri ng mga tao na sumusunod sa kawan na binanggit ng Diyos; kung may anumang mga tukso mula kay Satanas o mga pagsubok mula sa Diyos, agad silang tatangayin palayo, upang hindi na umiral pa. Kahit ang anumang diwa nila ay hindi makaliligtas, dahil matagal nang naglaho. Kung ang mga tao ay tulad ng nakalutang na mga ulap, hindi lamang sila walang kakayahang isabuhay ang larawan ng Diyos, kundi nagdadala rin ng kahihiyan sa Kanyang pangalan, sapagkat ang gayong mga tao ay nanganganib na maagaw anumang oras o saanman; sila ang pagkaing nilalamon ni Satanas—at kapag binibihag sila ni Satanas, ipagkakanulo nila ang Diyos at paglilingkuran si Satanas. Malinaw na nagdadala ito ng kahihiyan sa pangalan ng Diyos, at ito ang pinaka-ayaw ng Diyos sa lahat; ang gayong mga tao ay mga kaaway ng Diyos. Sa gayon, kapwa sila walang kakanyahan ng normal na mga tao at walang anumang praktikal na halaga. Dahil dito kaya hinihiling ng Diyos sa Kanyang mga tao ang gayong mga kinakailangan. Gayunman, pagkatapos maunawaan nang kaunti ang mga salitang ito, nalilito ang mga tao kung ano ang susunod na gagawin, sapagkat ang paksa ng mga salita ng Diyos ay bumaling na sa Diyos Mismo, na naglalagay sa kanila sa isang mahirap na kalagayan: “Dahil Ako ay nagmula sa banal na lupain, hindi Ako katulad ng lotus, na may pangalan lamang at walang kakanyahan, sapagkat nagmumula iyon sa putikan at hindi sa banal na lupain.” Pagkatapos magsalita tungkol sa mga kinakailangan Niya sa Kanyang mga tao, bakit inilalarawan ng Diyos ang Kanyang sariling pagsilang? Maaari kayang may koneksyon sa pagitan ng dalawa? Tunay ngang may likas na koneksyon sa pagitan ng mga iyon; kung wala, hindi iyon sasabihin ng Diyos sa mga tao. Sa gitna ng mga luntiang dahon, ang lotus ay umiindayog sa banayad na ihip ng hangin. Nakasisiya ito sa paningin, at lubhang pinahahalagahan. Hindi talaga nagsasawa rito ang mga tao, at gustung-gusto nilang lumusong sa tubig para mamitas ng bulaklak ng lotus at makita ito nang malapitan. Gayunman, sinasabi ng Diyos na ang lotus ay mula sa putikan, at may pangalan lamang ngunit walang kakanyahan; mukhang walang halaga sa Diyos ang mga lotus, at nililiwanag ng Kanyang mga salita na may kaunti Siyang pagkamuhi sa mga iyon. Sa nagdaang mga panahon, labis-labis ang papuri ng marami sa mga lotus dahil lumilitaw ang mga ito na walang bahid ng dumi, at tila ipinahihiwatig pa na ang mga lotus ay walang katulad at hindi mailarawan ang pagiging kamangha-mangha. Kaya lamang, sa mga mata ng Diyos, walang halaga ang mga lotus—na siya mismong pagkakaiba sa pagitan ng Diyos at ng mga tao. Sa gayon ay makikita na ang pagkakaiba sa pagitan ng Diyos at ng mga tao ay sinlawak ng pagitan ng silid-imbakan ng langit at ng pinakapundasyon ng lupa. Dahil ang lotus ay mula sa putikan, lahat ng sustansyang kinakailangan nito ay nagmumula rin doon. Nagagawa lamang ng lotus na magbalatkayo, at sa gayon ay nakalulugod itong tingnan. Ang nakikita lamang ng maraming tao ay ang magandang panlabas ng lotus, ngunit wala ni isang nakakakita na ang buhay na nakatago sa loob ay basura at marumi. Sa gayon, sinasabi ng Diyos na mayroon lamang itong pangalan at walang kakanyahan—na ganap na wasto at totoo. Hindi ba ganito mismo ang mga tao ng Diyos ngayon? Paimbabaw lamang ang kanilang pagpapasakop at pagsampalataya sa Diyos. Sa harap ng Diyos, sipsip sila at ipinaparada nila ang kanilang sarili para malugod ang Diyos sa kanila; gayunman, sa kanilang kalooban, punung-puno sila ng tiwali at napakasamang disposisyon, at ang kanilang tiyan ay puno ng karumihan. Kaya nga nagtatanong ang Diyos sa mga tao, na inaalam kung ang kanilang katapatan sa Diyos ay nababahiran ng mga karumihan o kung ito ay dalisay at buong-puso. Noong sila ay mga tagasilbi, maraming taong pumuri sa Diyos sa kanilang bibig ngunit isinumpa Siya sa kanilang puso. Sa kanilang mga salita, nagpasakop sila sa Diyos, ngunit sa kanilang puso, sinuway Siya nila. Ang kanilang bibig ay bumigkas ng mga negatibong salita, at sa kanilang puso, kinalaban nila ang Diyos. Mayroon pa ngang mga tao na magkakatugma ang mga kilos: Naglabas sila ng mga kalaswaan gamit ang kanilang bibig at kumumpas gamit ang kanilang mga kamay, talagang bastos, at nagpapakita ng malinaw at parang-buhay na pagpapahayag ng totoong mukha ng malaking pulang dragon. Talagang nararapat silang tawaging supling ng malaking pulang dragon. Gayunman, ngayon ay nakatayo sila sa lugar ng tapat na mga tagasilbi at kumikilos na parang sila ay tapat na mga tao ng Diyos—napakawalang-hiya! Hindi kataka-taka; nagmula sila sa putikan, kaya wala silang magawa kundi ipakita ang tunay na kulay nila. Dahil ang Diyos ay banal at dalisay, at tunay at aktuwal, ang Kanyang katawang-tao ay nagmumula sa Espiritu. Ito ay tiyak at walang alinlangan. Hindi lamang nakakayang magpatotoo para sa Diyos Mismo, kundi nakakaya ring ganap na ilaan ang Kanyang Sarili sa paggawa ng kalooban ng Diyos: kumakatawan ang mga ito sa isang panig ng kakanyahan ng Diyos. Ang kahulugan ng nagmumula ang katawang-tao sa Espiritu na may larawan ay na ang katawang-tao na isinusuot ng Espiritu sa Kanyang Sarili ay malaki ang pagkakaiba sa laman ng mga tao, at ang pagkakaibang ito una sa lahat ay nasa kanilang espiritu. Ang tinutukoy na “Espiritung may larawan,” dahil natatakpan ng normal na pagkatao, ay kung paano nakakayang gumawa ng pagka-Diyos nang normal mula sa loob. Hindi ito higit-sa-karaniwan ni katiting, at hindi nililimitahan ng pagkatao. Ang “larawan ng Espiritu” ay tumutukoy sa ganap na pagka-Diyos, at hindi nililimitahan ng pagkatao. Dahil diyan, ang likas na disposisyon at totoong larawan ng Diyos ay maaaring ganap na isabuhay sa nagkatawang-taong laman, na hindi lamang normal at matatag, kundi may kamahalan at poot. Ang unang nagkatawang-taong laman ay maaari lamang ipakita ang Diyos na nakalarawan sa isipan ng mga tao; ibig sabihin, nagsagawa lamang Siya ng mga tanda at kababalaghan at bumanggit ng mga propesiya. Sa gayon, hindi Niya ganap na isinabuhay ang realidad ng Diyos, kaya nga hindi Siya ang pagsasakatawan ng Espiritung may larawan; Siya ay tuwiran lamang na pagpapakita ng pagka-Diyos. Bukod pa riyan, dahil hinigitan Niya ang normal na pagkatao, hindi Siya tinawag na ganap na praktikal na Diyos Mismo, kundi may kaunti ng malabong Diyos sa langit sa Kanya; Siya ang Diyos ayon sa mga kuru-kuro ng mga tao. Ito ang malaking pagkakaiba sa pagitan ng dalawang nagkatawang-taong laman.
Mula sa pinakamataas na punto sa sansinukob, binabantayan ng Diyos ang bawat galaw ng sangkatauhan at lahat ng sinasabi at ginagawa ng mga tao. Minamasdan Niya maging ang lahat ng pinakamalalalim nilang saloobin nang may lubos na kalinawan, na walang pinalalampas; sa gayon, ang Kanyang mga salita ay humihiwa sa puso ng mga tao, tumatama sa kanilang bawat iniisip, at matalas at walang mali ang mga salita ng Diyos. “Bagama’t ‘kilala’ ng mga tao ang Aking Espiritu, nagkakasala pa rin sila sa Aking Espiritu. Inilalantad ng Aking mga salita ang mga pangit na mukha ng lahat ng tao, gayundin ang pinakamalalalim nilang saloobin, at ibinubuwal ang lahat ng nasa lupa sa gitna ng Aking pagsisiyasat.” Mula rito malinaw na bagama’t hindi mahirap gawin ang mga kinakailangan ng Diyos sa sangkatauhan, hindi pa rin nakakaya ng mga tao na tiisin ang pagsisiyasat ng Espiritu ng Diyos. “Gayunman, sa kabila ng pagkabuwal, hindi nangangahas ang kanilang puso na lumayo sa Akin. Sa mga nilikha, sino ang hindi natututong magmahal sa Akin dahil sa Aking mga gawa?” Lalo pa itong nagpapahiwatig ng ganap na karunungan at pagiging makapangyarihan ng Diyos, at sa gayon ay nahahayag ang lahat ng inisip ng mga tao ng Diyos noong sila ay nasa katayuan ng mga tagasilbi: Pagkatapos ng isang “pangangalakal” na nagwakas sa kabiguan, ang “daan-daang libo” o “milyun-milyon” sa kanilang ulo ay nauwi sa wala. Gayunman, dahil sa mga atas administratibo ng Diyos at dahil sa kamahalan at poot ng Diyos—bagama’t nakayuko ang kanilang ulo sa kalungkutan—naglingkod pa rin sila sa Diyos na may negatibong pag-iisip, at lahat ng pagsasagawa nila noong araw ay naging hungkag na pananalita lamang at lubos nang nalimutan. Sa halip, para patuloy nilang mapasaya ang kanilang sarili, para magpalipas o magsayang ng oras, ginawa nila ang mga bagay ayon sa gusto nila na nagpasaya sa kanila at sa lahat ng iba pa. … Ito talaga ang nangyayari sa mga tao. Sa gayon, nagtatapat ang Diyos sa tao at sinasabing, “Sino ang hindi nasasabik sa Akin dahil sa Aking mga salita? Kaninong damdamin ang hindi napapalapit dahil sa Aking pagmamahal?” Ang totoo, ang mga tao ay handang tumanggap ng mga salita ng Diyos, at walang isa man sa kanila na ayaw magbasa ng mga salita ng Diyos; kaya lamang ay hindi nila kayang isagawa ang mga salita ng Diyos, sapagkat nahahadlangan sila ng kanilang likas na pagkatao. Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, maraming taong hindi makatiis na mawalay sa mga ito, at umaapaw ang pagmamahal nila sa Diyos sa kanilang kalooban. Sa gayon, minsan pang isinusumpa ng Diyos si Satanas, minsan pang inilalantad ang pangit na mukha nito. “Ang panahong ito kung kailan nagwawala si Satanas at mapaniil na parang baliw” ang siya rin mismong kapanahunan na sinisimulan ng Diyos ang Kanyang opisyal na dakilang gawain sa lupa. Sumunod, sinisimulan Niya ang gawain ng pagwasak sa mundo. Sa madaling salita, habang lalong nagwawala si Satanas, lalong napapalapit ang pagdating ng araw ng Diyos. Sa gayon, habang lalong nagsasalita ang Diyos tungkol sa kalabisan ni Satanas, lalong napapalapit ang araw kung kailan wawasakin ng Diyos ang mundo. Ganyan ang pahayag ng Diyos kay Satanas.
Bakit paulit-ulit na sinabi ng Diyos “… bukod pa riyan, kapag nakatalikod Ako, nakikibahagi sila roon sa mga ‘kapansin-pansin’ na maruruming pakikitungo. Sa tingin mo ba ang katawang-tao, na isinusuot Ko Mismo, ay walang alam sa iyong mga kilos, iyong asal, at iyong mga salita?” Hindi lamang Niya sinambit ang gayong mga salita nang isa o dalawang beses. Bakit kaya? Kapag naaliw ng Diyos ang mga tao, at nabatid nila ang kalungkutan ng Diyos para sa sangkatauhan, nagiging madali sa kanila na kalimutan ang nakaraan habang nagsusumikap silang sumulong. Magkagayunman, kahit katiting ay hindi maluwag ang Diyos sa mga tao: Patuloy Niyang pinupuntirya ang kanilang mga iniisip. Sa gayon, paulit-ulit Niyang sinasabi sa mga tao na kilalanin ang kanilang sarili, itigil ang kanilang kalaswaan, huwag nang makisangkot sa kapansin-pansin na maruruming pakikitungo, at huwag nang linlanging muli ang Diyos sa katawang-tao kailanman. Bagama’t hindi nagbabago ang likas na pagkatao ng mga tao, may pakinabang sa pagpapaalala sa kanila nang ilang ulit. Pagkatapos nito, nagsasalita ang Diyos mula sa pananaw ng tao upang ihayag ang mga hiwaga sa kanilang puso: “Natiis Ko na nang maraming taon ang hangin at ulan, at naranasan Ko na rin ang kapaitan ng mundo ng tao; gayunman, sa masusing pagbubulay-bulay, gaano mang pagdurusa ang danasin ay hindi mawawalan ng pag-asa sa Akin ang sangkatauhang may laman, lalong hindi maaaring manlamig, manlumo, o magbalewala sa Akin ang mga tao sanhi ng anumang katamisan. Limitado ba talaga ang pagmamahal nila sa Akin sa kawalan ng pagdurusa o kawalan ng katamisan?” “Lahat sa ilalim ng araw ay hungkag”—ang mga salitang ito ay talagang may nakapaloob na kahulugan. Sa gayon, sinasabi ng Diyos na walang makapag-aalis ng pag-asa ng tao sa Kanya o manlalamig sa Kanya. Kung hindi mahal ng mga tao ang Diyos, mabuti pang mamatay sila; kung hindi nila mahal ang Diyos, ang kanilang pagdurusa ay walang kabuluhan, at ang kaligayahang tinatamasa nila ay hungkag, at idinaragdag sa kanilang mga kasalanan. Dahil wala ni isang tao ang tunay na nagmamahal sa Diyos, sinasabi Niya, “Limitado ba talaga ang pagmamahal nila sa Akin sa kawalan ng pagdurusa o kawalan ng katamisan?” Sa mundo ng sangkatauhan, paano makakairal ang sinuman nang walang pagdurusa o katamisan? Paulit-ulit, sinasabi ng Diyos, “Wala ni isang tao ang tunay na nakakita sa Aking mukha o tunay na nakarinig sa Aking tinig kailanman, sapagkat hindi Ako tunay na kilala ng mga tao.” Sabi ng Diyos, hindi Siya talaga kilala ng mga tao, ngunit bakit Niya hinihiling sa mga tao na kilalanin Siya? Hindi ba magkasalungat ito? Bawat isa sa mga salita ng Diyos ay may tiyak na layunin. Dahil naging manhid na ang mga tao, ginagamit ng Diyos ang prinsipyo na paggawa ng 100% ng Kanyang gawain sa pamamagitan ng mga tao upang sa huli ay maangkin ang 0.1 porsiyento ng puso ng bawat isa sa kanila. Ganyan ang pamamaraan kung paano gumagawa ang Diyos, at kailangang kumilos ang Diyos nang gayon upang makamtan ang Kanyang mga layunin. Ito rin mismo ang karunungan sa mga salita ng Diyos. Naintindihan na ba ninyo ito?
Sabi ng Diyos: “Kapag tuwiran Kong inihahayag ang Aking mga hiwaga at pinalilinaw ang Aking kalooban sa katawang-tao, hindi ninyo ito pinapansin; nakikinig kayo sa mga tunog, ngunit hindi ninyo nauunawaan ang kahulugan ng mga ito. Dinaraig Ako ng kalungkutan. Bagama’t Ako ay nasa katawang-tao, hindi Ko magawa ang gawain ng ministeryo ng katawang-tao.” Sa isang banda, ang mga salitang ito ay nagtutulak sa mga tao, dahil sa kanilang pagkamanhid, na kusang makipagtulungan sa Diyos; sa kabilang banda, inihahayag ng Diyos ang tunay na mukha ng Kanyang pagka-Diyos sa nagkatawang-taong laman. Dahil napakaliit ng tayog ng mga tao, ang paghahayag ng pagka-Diyos sa panahon na nasa katawang-tao ang Diyos ay alinsunod lamang sa kanilang kakayahang tanggapin ito. Sa hakbang na ito ng gawain, karamihan sa mga tao ay nananatiling walang kakayahang lubos na tanggapin ito, na sapat na upang ipakita kung gaano kahina ang kanilang kakayahang tumanggap. Sa gayon, sa panahon ng gawaing ito, hindi ginagampanan ng pagka-Diyos ang lahat ng orihinal na tungkulin nito; ginagampanan lamang nito ang maliit na bahagi nito. Ipinakikita nito na sa gawain sa hinaharap, unti-unting mahahayag ang pagka-Diyos ayon sa kalagayan ng pagbawi sa sangkatauhan. Gayunman, ang pagka-Diyos ay hindi lumalago nang paunti-unti; sa halip, iyon ang taglay na kakanyahan ng Diyos na nagkatawang-tao, at hindi katulad ng tayog ng mga tao.
May isang layunin at kahulugan sa paglikha ng Diyos sa mga tao, kaya nga sinabi Niya, “Kung winasak ng Aking poot ang buong sangkatauhan, ano ang magiging kabuluhan ng Aking paglikha ng kalangitan at lupa?” Pagkatapos magawang tiwali ang tao, plano ng Diyos na maangkin ang isang bahagi nila para sa Kanyang kasiyahan; hindi Niya layon na puksain ang lahat ng tao, ni hindi sila lilipulin sa pinakamaliit na paglabag sa mga atas administratibo ng Diyos. Hindi iyon ang kalooban ng Diyos; tulad ng sinabi ng Diyos, mawawalan ng kabuluhan iyon. Ito ay dahil mismo rito sa “kawalang-kabuluhan” kaya ginawang malinaw ang karunungan ng Diyos. Hindi ba mayroon pang mas malaking kabuluhan sa pagsasalita at paggawa ng Diyos sa maraming kaparaanan upang kastiguhin, hatulan, at hagupitin ang lahat ng tao, at sa huli ay piliin lamang yaong mga tunay na nagmamahal sa Kanya? Sa paraang ito mismo nahahayag ang mga gawa ng Diyos, kaya nga ang paglikha sa mga tao ay nagiging mas makahulugan pa. Sa gayon, karamihan sa mga salita ng Diyos ay nilalagpasan lamang sila; ito ay upang makamit ang isang layunin, at ito mismo ang realidad ng isang bahagi ng Kanyang mga salita.