Karagdagan: Kabanata 1

Ang hinihiling Kong gawin ninyo ay hindi ang malabo at hungkag na teorya na Aking binabanggit, ni ang hindi mailarawan ng utak ng tao o hindi makamtan ng laman ng tao. Sino ang may kakayahang ganap na maging matapat sa loob ng Aking sambahayan? At sino ang kayang mag-alay ng kanilang lahat-lahat sa loob ng Aking kaharian? Kung hindi sa paghahayag ng Aking kalooban, talaga kayang uutusan ninyo ang inyong sarili na palugurin ang Aking puso? Wala pang sinumang nakaunawa sa Aking puso kailanman, at wala pang sinumang nakahiwatig sa Aking kalooban. Sino na ang nakakita sa Aking mukha o nakarinig sa Aking tinig? Si Pedro ba? O si Pablo? O si Juan? O si Santiago? Sino na ang nabihisan Ko, o naangkin Ko, o nakasangkapan Ko? Bagama’t nangyari ang unang pagkakataon na Ako ay naging tao ayon sa pagka-Diyos, hindi alam ng katawang-taong ibinihis Ko sa Aking Sarili ang mga pagdurusa ng tao, dahil hindi Ako nagkatawang-tao sa isang anyo, kaya nga hindi masasabi na lubos na ginawa ng katawang-tao ang Aking kalooban. Kapag kayang gumawa ng Aking pagka-Diyos na tulad ng paggawa Ko at magsalita na tulad ng pagsasalita Ko sa isang personang may normal na pagkatao, nang walang hadlang o sagabal, saka lamang masasabi na ang Aking kalooban ay ginagawa sa katawang-tao. Dahil kayang takpan ng Aking normal na pagkatao ang Aking pagka-Diyos, sa gayon ay nakakamit ang Aking layunin na maging mapagkumbaba at tago. Sa panahon ng yugto ng gawain sa katawang-tao, bagama’t ang pagka-Diyos ay kumikilos nang tuwiran, hindi madaling makita ng mga tao ang gayong mga kilos, na dahil lamang sa buhay at mga kilos ng normal na pagkatao. Ang pagkakatawang-taong ito ay hindi maaaring mag-ayuno nang 40 araw na tulad ng unang pagkakatawang-tao, ngunit gumagawa at nagsasalita nang normal; bagama’t naghahayag Siya ng mga hiwaga, Siya ay normal na normal; hindi iyon tulad ng iniisip ng mga tao—ang Kanyang tinig ay hindi parang kulog, ang Kanyang mukha ay hindi nagniningning sa liwanag, at ang kalangitan ay hindi yumayanig kapag Siya ay naglalakad. Kung nagkaganoon, hindi ito magtataglay ng karunungan Ko, at magiging imposibleng pahiyain at talunin si Satanas.

Kapag ipinamamalas Ko ang Aking pagka-Diyos mula sa likod ng kalasag ng normal na pagkatao, natatamo Ko ang ganap na kaluwalhatian, natutupad ang Aking dakilang gawain, at walang nagpapakita ng anumang mga problema. Ito ay dahil ang layunin ng Aking pagkakatawang-tao ay pangunahin upang tulutan ang lahat ng naniniwala sa Akin na mamasdan ang mga gawa ng Aking pagka-Diyos sa katawang-tao, at makita ang praktikal na Diyos Mismo, sa gayon ay napapawi ang lugar sa puso ng mga tao na kinaroroonan ng di-nakikita at di-nahahawakang Diyos. Dahil Ako ay kumakain, nagbibihis ng Aking Sarili, natutulog, nananahan, at kumikilos na tulad ng isang normal na tao, dahil Ako ay nagsasalita at tumatawa na gaya ng isang normal na tao at may mga pangangailangan ng isang normal na tao, samantalang nagtataglay rin ng diwa ng buong pagka-Diyos, tinatawag Akong “ang praktikal na Diyos.” Hindi ito isang ideya lamang, at madali itong maunawaan; makikita rito kung saang bahagi nakalagak ang buod ng Aking gawain, at kung saang yugto ng gawain Ako nakatuon. Ang buod na layunin ng Aking pagkakatawang-tao ay ang ihayag ang Aking pagka-Diyos sa pamamagitan ng normal na pagkatao. Hindi mahirap makita na ang sentro ng Aking gawain ay nasa ikalawang bahagi ng kapanahunan ng paghatol.

Sa Akin, hindi kailanman nagkaroon ng buhay ng tao, ni anumang bakas ng tao. Ang buhay ng tao ay hindi kailanman nagkaroon ng lugar sa Akin, at hindi kailanman nasupil ang paghahayag ng Aking pagka-Diyos. Kaya, habang mas ipinahahayag ang Aking tinig sa langit at ang kalooban ng Aking Espiritu, mas mapapahiya si Satanas, kaya mas madaling gawin ang Aking kalooban ayon sa normal na pagkatao. Ito lamang ang nakatalo kay Satanas; lubos nang napahiya si Satanas. Bagama’t Ako ay tago, hindi nito nahahadlangan ang mga pahayag at pagkilos ng Aking pagka-Diyos—sapat na ito upang ipakita na Ako ay nagtagumpay at ganap na nagtamo ng kaluwalhatian. Dahil walang hadlang sa Aking gawain sa katawang-tao, at dahil may lugar na ngayon ang praktikal na Diyos sa puso ng mga tao at nag-ugat na sa kanilang puso, lubos nang napatunayan na natalo Ko na si Satanas. At dahil walang kakayahan si Satanas na gumawa pa ng anuman sa tao, at dahil mahirap itanim ang katangian ni Satanas sa laman ng tao, nagpapatuloy ang Aking kalooban nang walang hadlang. Ang nilalaman ng Aking gawain ay pangunahin upang magawa ang lahat ng tao na mamasdan ang Aking kamangha-manghang mga gawa at makita ang Aking totoong mukha: Hindi Ako mahirap abutin, hindi Ako matayog sa langit, at mayroon Akong anyo at hugis. Hindi Ako hindi nakikita na katulad ng hangin, ni katulad ng lumulutang na ulap, na madaling hipan palayo; sa halip, bagama’t namumuhay Ako sa piling ng tao at dumaranas ng tamis, asim, pait, at init sa piling ng tao, magkagayunman ay talagang naiiba sa tao ang Aking katawang-tao. Karamihan sa mga tao ay nahihirapang makisama sa Akin, subalit karamihan ay naghahangad ding makisama sa Akin. Para bagang may malaki at di-maarok na mga hiwaga sa kalooban ng Diyos na nagkatawang-tao. Dahil sa tuwirang paghahayag ng pagka-Diyos, at dahil sa kalasag na anyo ng tao, nagpapanatili ng distansya ang mga tao mula sa Akin bilang paggalang, naniniwalang Ako ay isang maawain at mapagmahal na Diyos, subalit natatakot din sa Aking kamahalan at poot. Kaya, sa kanilang puso, nais nilang kausapin Ako nang tapat, subalit hindi nila magawa ang gusto nila—kung ano ang hinahangad ng kanilang puso, iyon ang kulang sa kanilang lakas. Ganyan ang mga kalagayan ng lahat na nasa sitwasyong ito—habang mas ganito ang mga tao, mas matindi ang patunay ng paghahayag ng sari-saring aspeto ng Aking disposisyon, at sa gayon ay nakakamit ang layunin na makilala ng mga tao ang Diyos. Ngunit hindi ito gaanong mahalaga; ang mahalaga ay ipaalam sa mga tao ang Aking kamangha-manghang mga gawa mula sa mga gawa ng Aking katawang-tao, na magsasanhing malaman nila ang diwa ng Diyos; hindi Ako abnormal at higit sa karaniwan na tulad ng iniisip ng mga tao. Sa halip, Ako ang praktikal na Diyos na normal sa lahat ng bagay. Ang Aking lugar ayon sa mga kuru-kuro ng mga tao ay naalis, at nakikilala nila Ako sa realidad. Saka lamang Ako mapupunta sa Aking tunay na lugar sa isipan ng mga tao.

Sa harap ng lahat ng tao, hindi lamang Ako walang nagawang anuman na higit sa karaniwan na napahalagahan ng mga tao, kundi labis din Akong ordinaryo at normal; sadyang hindi Ko tinutulutan ang mga tao na makita ang anuman sa Aking nagkatawang-taong laman na may pahiwatig ng Diyos. Ngunit dahil sa Aking mga salita, lubos na nalulupig ang mga tao, at nagpapasakop sila sa Aking patotoo. Saka lamang Ako nakikilala nang personal ng mga tao, nang walang mga pag-aalinlangan at sa pundasyon ng lubos na paniniwala na totoong mayroong Diyos. Sa ganitong paraan, ang kaalaman ng mga tao tungkol sa Akin ay nagiging mas tunay, mas malinaw, at lubos na walang bahid ng kanilang mabuting asal; lahat ay resulta ng tuwirang pagkilos ng Aking pagka-Diyos, na nagbibigay sa mga tao ng mas malaking kaalaman tungkol sa Aking pagka-Diyos, sapagkat ang pagka-Diyos lamang ang totoong mukha ng Diyos at ang likas na katangian ng Diyos. Dapat itong makita ng mga tao. Ang nais Ko ay mga salita, gawa, at kilos na nasa pagka-Diyos—wala Akong pakialam sa mga salita at kilos sa pagkatao. Ang Aking layunin ay ang mamuhay at kumilos sa pagka-Diyos—ayaw Kong mag-ugat at umusbong sa pagkatao, at ayaw Kong manirahan sa pagkatao. Nauunawaan mo ba ang sinasabi Ko? Kahit isa Akong panauhin sa pagkatao, ayaw Ko nito; kumikilos Ako sa ganap na pagka-Diyos, at sa ganitong paraan lamang mas mauunawaan ng mga tao ang Aking totoong mukha.

Sinundan: Kabanata 9

Sumunod: Kabanata 10

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito