Kabanata 46
Sa lahat ng mga salitang ito, walang higit na di-malilimutan kaysa roon sa ngayon. Ibinunyag ng mga salita ng Diyos noong una ang mga kalagayan ng tao o mga hiwaga ng langit, gayunman ang kasalukuyang pagbigkas na ito ay di-tulad niyaong sa nakaraan. Hindi ito nanunuya o nanunukso, kundi isang bagay na ganap na di-inaasahan: Ang Diyos ay nakaupo at kalmadong nakikipag-usap sa mga tao. Ano ang Kanyang layunin? Anong nakikita ninyo kapag sinasabi ng Diyos, “Ngayon, nagsimula na Ako ng bagong gawain sa ibabaw ng mga sansinukob. Nabigyan Ko na ang mga tao sa lupa ng bagong pasimula, at hiningi Ko na sa kanilang lahat na umalis sa Aking sambahayan. At dahil laging gusto ng mga tao na magpasasa sa kanilang mga sarili, pinapayuhan Ko sila na magkaroon ng kamalayan sa sarili, at na huwag laging gambalain ang Aking gawain”? At ano itong “bagong pasimula” na sinasabi ng Diyos? Pinayuhan na ng Diyos ang mga tao na umalis noong una, ngunit ang layunin ng Diyos noon ay subukin ang kanilang pananampalataya. Kaya ngayon, kapag Siya ay nagsasalita na may ibang tono, Siya ba ay nagiging totoo o hindi? Noon, hindi alam ng mga tao ang mga pagsubok na sinasabi ng Diyos. Sa pamamagitan lang ng hakbang ng gawain ng mga taga-serbisyo kaya nakita ng kanilang mga mata, at personal nilang naranasan, ang mga pagsubok ng Diyos. Sa gayon, mula sa panahong iyon, dahil sa halimbawa ng daan-daang pagsubok ni Pedro, malimit nagkamali ang mga tao sa paniniwalang “ito ay pagsubok ng Diyos.” Higit pa rito, dumating ang mga katunayan sa mga salita ng Diyos ngunit bihira. Sa gayon, ang mga tao ay lalo pang nalubog sa bulag na mga paniniwala tungkol sa mga pagsubok ng Diyos, kaya’t sa lahat ng salitang sinabi ng Diyos, hindi sila kailanman naniwalang ito ay gawain ng mga katunayang isinakatuparan ng Diyos; sa halip, naniwala sila na ang Diyos, na walang ibang gagawin, ay partikular na gumagamit ng mga salita upang subukin ang mga tao. Sa kalagitnaan ng gayong mga pagsubok, na walang pag-asa at gayunma’y tila nag-aalok ng pag-asa, na ang mga tao ay sumunod, kaya’t matapos sabihin ng Diyos “lahat ng nananatili ay malamang na magdanas ng kasawian at bahagyang suwerte,” itinuon pa rin ng mga tao ang kanilang pansin sa pagsunod, at sa gayon ay walang intensyong umalis. Sumunod ang mga tao sa gitna ng gayong mga ilusyon, at wala ni isa man sa kanila ang nangahas na tiyaking walang pag-asa—bahagi ito ng patunay ng tagumpay ng Diyos. Ang pananaw ng Diyos ay nagpapakita na minamaniobra Niya ang lahat upang gumawa ng serbisyo sa Kanya. Ang mga ilusyon ng mga tao ay humihimok sa kanila na huwag iwanan ang Diyos, anumang oras o saanmang lugar, kaya’t sa panahon ng hakbang na ito ginagamit ng Diyos ang di-perpektong mga motibasyon ng mga tao upang pangyarihin na magpatotoo sila sa Kanya, na siyang malalim na kabuluhan kapag sinasabi ng Diyos na, “nakamit Ko na ang ilang tao.” Ginagamit ni Satanas ang mga motibasyon ng tao upang magdulot ng mga paggambala, samantalang ginagamit ng Diyos ang mga motibasyon ng tao upang paglingkurin siya—ito ang tunay na kahulugan ng mga salita ng Diyos na “iniisip ng mga tao na makalulusot sila papasok, ngunit nang iniaabot na nila ang kanilang huwad na mga pahintulot sa pagpasok, itinatapon Ko kaagad-agad ang mga iyon sa hukay ng apoy, at nang makita na ang kanilang sariling ‘mabusising mga pagsisikap’ ay natutupok sa apoy, nawawalan sila ng pag-asa.” Minamaniobra ng Diyos ang lahat ng bagay upang paglingkurin ang mga ito, kaya’t hindi Niya iniiwasan ang sari-saring mga opinyon ng tao, bagkus ay matapang na sinasabi sa mga tao na umalis; ito ang pagiging kamangha-mangha at karunungan ng gawain ng Diyos—pinagsasama ang tapat na mga salita at ang pamamaraan sa isa, iniiwan ang mga tao na nahihilo at tuliro. Mula rito ay makikita na talagang hinihingi ng Diyos sa mga tao na umalis sa Kanyang tahanan, na ito ay hindi isang uri ng pagsubok, at sinasamantala ng Diyos ang pagkakataong ito upang sabihing, “Gayunman ay sinasabi Ko rin sa mga tao na kapag nabigo silang magkamit ng mga pagpapala, walang maaaring magreklamo tungkol sa Akin.” Walang sinumang makaintindi kung ang mga salita ng Diyos ay tunay o hindi, gayunman ay ginagamit ng Diyos ang pagkakataong ito upang patatagin ang mga tao, upang alisin sa kanila ang kanilang pagnanasang umalis. Sa gayon, kung isang araw sila ay isumpa, sila ay pauna nang binalaan ng mga salita ng Diyos, gaya na lang ng sinasabi ng mga tao na “ang mga salitang hindi kanais-nais na marinig ay ang mabubuti.” Ngayon, ang pag-ibig ng mga tao sa Diyos ay taimtim at taos-puso, kaya’t sa mga salita na hindi nila masabi kung tunay o hindi, sila ay nalupig at natutong mahalin ang Diyos, na siyang dahilan kung bakit sinabi ng Diyos “Natupad Ko na ang Aking dakilang gawain.” Kapag sinasabi ng Diyos, “Umaasa Akong makikita nila ang kanilang sariling landas upang manatiling buhay. Wala Akong kapangyarihan dito,” ito ang realidad ng pagbigkas ng Diyos sa lahat ng salitang ito—gayunman ay hindi ganoon ang iniisip ng mga tao; sa halip, lagi na silang sumunod nang hindi nagbibigay ng kahit katiting na pansin sa mga salita ng Diyos. Sa gayon, kapag sinasabi ng Diyos, “sa hinaharap, hindi na magkakaroon pa ng anumang mga salita sa pagitan namin, hindi na kami magkakaroon ng anumang pag-uusapan pa, hindi namin pakikialaman ang isa’t isa, yayaon kaming pareho sa aming sariling daan,” ang mga salitang ito ay realidad, at walang dungis kahit na katiting. Anuman ang iniisip ng mga tao, gayon ang di-pagkamakatwiran ng Diyos. Nagpatotoo na ang Diyos sa harap ni Satanas, at sinabi ng Diyos na pangyayarihin Niyang hindi Siya iwanan ng lahat ng tao, anumang oras o saanmang lugar—kaya’t ang hakbang na ito ng gawain ay natapos na, at hindi binibigyang-pansin ng Diyos ang mga hinaing ng tao. Gayunman ay nilinaw na ito ng Diyos mula sa umpisa, kaya’t ang mga tao ay naiwan na walang magawa, napilitang lunukin ang kanilang galit at pigilan ang kanilang mga dila. Ang labanan sa pagitan ng Diyos at ni Satanas ay lubusang nakabatay sa tao. Walang kontrol ang mga tao sa kanilang mga sarili, sila ay ganap na mga tau-tauhan, habang ang Diyos at si Satanas ang siyang humahatak ng mga kuwerdas sa likuran ng mga tagpo. Kapag ginagamit ng Diyos ang mga tao upang magpatotoo sa Kanya, ginagawa Niya ang lahat ng Kanyang maiisip, lahat ng posible, upang gamitin ang mga tao na gumawa ng serbisyo sa Kanya, sinasanhi ang mga tao na mapaikot ni Satanas, at, higit pa rito, mapamahalaan ng Diyos. At kapag ang patotoo na nais ng Diyos na patotohanan ay natapos na, itinatapon Niya ang mga tao sa isang tabi at iniiwan silang nagdurusa, habang kumikilos na parang wala Siyang kinalaman sa kanila. Kapag nais Niyang muling gamitin ang mga tao, pinupulot Niyang muli sila at ginagamit sila, at walang kamalay-malay ang mga tao rito ni katiting. Sila ay tulad lang ng baka o kabayo na ginagamit ayon sa kagustuhan ng amo nito, walang sinuman sa mga ito ang may anumang kontrol sa kanilang mga sarili. Maaaring nakalulungkot itong pakinggan, ngunit maging may kontrol man o wala ang mga tao sa kanilang mga sarili, ang paggawa ng serbisyo sa Diyos ay isang karangalan, hindi isang bagay na dapat ikasama ng loob. Para bang ang Diyos ay dapat na kumilos sa ganitong paraan. Ang kakayahan bang bigyang-kasiyahan ang pangangailangan ng Makapangyarihan sa lahat ay hindi isang bagay na dapat ipagmalaki? Kaya, ano sa palagay mo? Itinakda mo na ba ang iyong pagpapasya na gumawa ng serbisyo para sa Diyos? Maaari kayang ninanais mo pa ring panghawakan ang karapatang hanapin ang iyong sariling kalayaan?
Kahit anupaman, lahat ng ginagawa ng Diyos ay mabuti at karapat-dapat na tularan, at ang tao at ang Diyos, matapos ang lahat, ay magkaiba. Sa batayang ito, dapat mong mahalin ang Diyos nang may pantaong puso maging mayroon man o walang anumang pagpapahalaga ang Diyos sa iyong pag-ibig. Ipinakikita ng mga salita ng Diyos na mayroon ding matinding kalungkutan sa puso ng Diyos. Dahil lang sa mga salita ng Diyos kaya ang mga tao ay pinipino. Gayunman ang gawaing ito, matapos ang lahat, ay nangyari kahapon—kaya, ano nga ba talaga ang susunod na gagawin ng Diyos? Nananatili itong isang lihim hanggang sa araw na ito, at sa gayon hindi magawa ng mga taong maunawaan o maarok ito, at maaari lang umawit kasabay ng musika ng Diyos. Magkagayunman, lahat ng sinasabi ng Diyos ay tunay, at lahat ng ito ay nagkakatotoo—wala itong alinlangan!