Kabanata 42
Hindi Ko alam kung napansin na ng mga tao na may anumang pagbabago sa mga pahayag sa ngayon. Maaaring may nakitang kaunti ang ilang tao, ngunit hindi nangangahas na sabihin iyon nang tiyakan. Marahil ay walang anumang nahiwatigan ang iba. Bakit nagkaroon ng gayon kalaking pagbabago sa mga pahayag ng Diyos sa pagitan ng ikalabindalawa at ng ikalabinlimang araw ng buwan? Napagnilayan mo na ba ito? Ano ang iyong pananaw? May naunawaan ka na bang anuman mula sa lahat ng pahayag ng Diyos? Ano ang pangunahing gawaing ginawa sa pagitan ng ikalawa ng Abril at ikalabinlima ng Mayo? Bakit walang kaalam-alam at tuliro ang mga tao ngayon na para bang pinalo sila ng batuta sa ulo? Ngayon, bakit walang mga tudling na pinamagatang “Mga Iskandalo ng mga Tao ng Kaharian”? Noong ikalawa at ikaapat ng Abril, hindi tinukoy ng Diyos ang kalagayan ng tao; gayundin, sa loob ng ilang araw pagkaraan ng araw na ito hindi Niya tinukoy ang kalagayan ng tao—bakit ganito? Tiyak na may palaisipang hindi pa nalulutas dito—bakit lubos na nabaligtad? Pag-usapan muna natin nang kaunti kung bakit nagsalita sa ganitong paraan ang Diyos. Tingnan natin ang mga unang salita ng Diyos, kung saan hindi Siya nag-aksaya ng oras sa pagsasabi, “Sa sandaling magsimula ang bagong gawain.” Ang pangungusap na ito ay nagbibigay sa iyo ng unang pahiwatig na ang gawain ng Diyos ay nakapasok na sa isang bagong simula, na minsan pa Siyang nagpasimula ng bagong gawain. Ipinakikita nito na ang pagkastigo ay malapit nang matapos; masasabing napasok na ang rurok ng pagkastigo, kaya nga kailangan ninyong samantalahin ang inyong oras upang maranasan nang wasto ang gawain ng panahong ito ng pagkastigo, upang hindi kayo mapag-iwanan at mapabayaan. Lahat ng ito ay gawain ng tao, at kailangang gawin ng tao ang lahat upang makipagtulungan. Kapag naisagawa na ang buong pagkastigo, sisimulan ng Diyos ang susunod na bahagi ng Kanyang gawain, sapagkat sabi ng Diyos, “… kaya nagpatuloy na Akong isakatuparan ang Aking gawain sa tao…. Sa sandaling ito, puspos ng malaking galak ang puso Ko, sapagkat nakamit Ko na ang ilang tao, kaya nga wala na sa taghirap ang Aking ‘pagsisikap’; hindi na ito binubuo ng hungkag na mga salita.” Sa mga panahong nakaraan, nakita ng mga tao ang agarang kalooban ng Diyos sa Kanyang mga salita—walang kasinungalingan dito—at ngayo’y ginagawa ng Diyos nang mas mabilis ang Kanyang gawain. Para sa tao, tila hindi ito lubusang naaayon sa mga kinakailangan ng Diyos—ngunit para sa Diyos, natapos na ang Kanyang gawain. Dahil lubhang masalimuot ang mga iniisip ng mga tao, madalas ay masyadong kumplikado ang kanilang pananaw sa mga bagay-bagay. Masyadong maraming hinihiling ang mga tao sa mga tao, ngunit hindi gayon karami ang hinihiling ng Diyos sa tao, at dahil dito, makikita kung gaano kalaki ang pagkakaiba ng Diyos sa tao. Ang mga kuru-kuro ng mga tao ay nalalantad sa lahat ng ginagawa ng Diyos. Hindi sa maraming hinihiling ang Diyos sa mga tao at walang kakayahan ang mga tao na maisagawa ang mga iyon, kundi maraming hinihiling ang mga tao sa Diyos at hindi maisakatuparan ng Diyos ang mga iyon. Dahil, kasunod ng panggagamot, may mga epekto ito sa sangkatauhan, na nagawa nang tiwali ni Satanas sa loob ng libu-libong taon, lagi na tuloy maraming hinihiling ang mga tao sa Diyos, at hindi man lang sila mapagbigay kahit bahagya, sa matinding takot na hindi nasisiyahan ang Diyos. Sa gayon, ang katunayan na hindi kayang gawin ng mga tao ang maraming bagay ay isang paraan kung saan kinakastigo nila ang kanilang sarili; tinitiis nila ang mga bunga ng sarili nilang mga kilos—ito ay lubos na pagdurusa. Sa paghihirap na tinitiis ng mga tao, mahigit 99% ang kinaiinisan ng Diyos. Sa tahasang salita, wala pang sinumang tunay na nagdusa para sa Diyos. Tinitiis ng mga tao ang mga bunga ng sarili nilang mga kilos—at ang hakbang na ito ng pagkastigo, mangyari pa, ay hindi naiiba; isang mapait na inumin ito na pakulo ng tao, na siya mismo ang nag-aangat sa kanyang bibig upang inumin. Dahil hindi pa naihayag ng Diyos ang tunay na layunin ng Kanyang pagkastigo, bagama’t may ilang tao na isinumpa, hindi ito kumakatawan sa pagkastigo. Pinagpala ang ilang tao, ngunit hindi ito nangangahulugan na pagpapalain sila sa hinaharap. Para sa tao, tila ang Diyos ay isang Diyos na hindi tumutupad sa Kanyang sinabi. Huwag kang mag-alala. Maaaring lumabis nang kaunti ang mga salitang ito, ngunit huwag kang maging negatibo. Ang Aking sinasabi ay may kaunting kaugnayan sa pagdurusa ng tao, subalit palagay Ko ay kailangan mong magtatag ng mabuting kaugnayan sa Diyos. Dapat mo Siyang bigyan ng mas maraming “handog”—tiyak na magpapasaya iyon sa Kanya. Tiwala Ako na mahal ng Diyos ang mga nagbibigay sa Kanya ng mga “handog.” Ano ang masasabi mo? Tama ba ang mga salitang ito?
Sa ngayon, gaano sa inyong mga inaasam ang naisantabi na ninyo? Matatapos na ang gawain ng Diyos, kaya malamang naisantabi na ninyo humigit kumulang ang lahat ng inaasam ninyo, tama ba? Mabuti pang suriin ninyo ang inyong sarili: Lagi ninyong gustong tumayo nang mataas, dinadakila at ipinaparada ang inyong sarili—ano ito? Ngayon, hindi Ko pa rin alam kung ano ang mga inaasam ng mga tao. Kung tunay na nabubuhay ang mga tao sa gitna ng dagat-dagatan ng pagdurusa, kapag sila ay nabubuhay sa gitna ng pagpipino ng kahirapan o kaya ay sa ilalim ng banta ng iba-ibang kagamitan sa pagpapahirap, o kapag nabubuhay sila sa panahon ng pagtanggi ng lahat ng tao, na nakatingala sa kalangitan at bumubuntung-hininga nang malalim, sa kanilang mga naiisip sa gayong mga pagkakataon, marahil, ay maaari nilang isantabi ang kanilang mga inaasam. Ito ay dahil hinahanap ng mga tao ang isang ulirang lugar sa ibang mundo sa gitna ng kawalan ng pag-asa, at wala pang sinumang nasa maginhawang sitwasyon ang tumigil na sa kanyang pagsisikap na makamit ang sarili niyang magagandang pangarap. Maaaring hindi ito makatotohanan, ngunit sana’y wala ito sa puso ng mga tao. Nais pa rin ba ninyong madala habang nabubuhay? Nais pa rin ba ninyong mabago ang inyong anyo sa laman? Hindi Ko alam kung pareho ang inyong opinyon, ngunit palagi Ko nang nadarama na hindi ito makatotohanan—ang gayong mga ideya ay tila masyadong marangya. Sinasabi ng mga tao ang mga bagay na katulad nito: “Isantabi ang iyong mga inaasam, maging mas makatotohanan.” Hinihiling mo na iwaksi ng mga tao ang mga kaisipang pagpalain sila—ngunit paano ka naman? Sinasalungat mo ba ang mga ideya ng mga tao na pagpalain sila samantalang ikaw mismo ay naghahangad ng mga pagpapala? Hindi mo pinapayagan ang iba na tumanggap ng mga pagpapala, samantalang lihim mo mismong iniisip ang mga iyon—ano ka ngayon? Manloloko! Kapag kumikilos ka nang ganyan, hindi ka ba nakokonsiyensya? Sa puso mo, hindi ka ba nakakaramdam ng pagkakautang? Hindi ka ba isang manloloko? Hinuhukay mo ang mga salita sa puso ng iba, ngunit wala kang sinasabi tungkol sa nasa iyong sarili—napakawalang kuwenta mong tao! Ano kaya ang iniisip ninyo sa inyong puso kapag nagsasalita kayo—hindi ba kayo nauusig ng Banal na Espiritu? Hindi ba nito ginugulo ang inyong dignidad? Talagang hindi ninyo alam kung ano ang mabuti para sa inyo! Katulad lang kayong lahat palagi ni G. Nanguo—mga impostor. Kaya pala nilalagyan ng Diyos ng mga panipi sa magkabilang dulo ang “ialay ang kanilang sarili” sa “lahat ng tao ay handang ‘ialay ang kanilang sarili.’” Kilala ng Diyos ang tao na gaya ng likod ng Kanyang kamay, at gaano man katuso ang panlilinlang ng tao—kahit hindi siya nagpapahalata at hindi namumula ang kanyang mukha ni hindi bumibilis ang tibok ng kanyang puso—nagniningning ang mga mata ng Diyos, kaya laging nahihirapan ang tao na matakasan ang titig ng Diyos. Para bang may x-ray vision ang Diyos at nakikita ang mga lamang-loob ng tao, na para bang nakikita Niya ang kalooban ng mga tao at natutukoy ang tipo ng kanilang dugo kahit hindi ito suriin. Ganyan ang karunungan ng Diyos, at hindi ito kayang gayahin ng tao. Sabi nga ng Diyos, “Bakit Ako nakagawa na ng napakaraming gawain, subalit walang patunay nito sa mga tao? Hindi pa ba sapat ang Aking pagsisikap?” Ang pakikipagtulungan ng tao sa Diyos ay kulang na kulang, at masasabi na napakaraming negatibo sa kalooban ng tao, at bihirang magkaroon ng anumang pagkapositibo sa mga tao. Paminsan-minsan lamang sila nagkakaroon ng kaunting pagkapositibo, ngunit lubhang bulok iyon. Ipinapakita lamang nito kung gaano kalaki ang pusong mapagmahal sa Diyos ang taglay ng mga tao; para bang sa puso nila ay may isang bahagi lamang sa isandaang milyon na pagmamahal para sa Diyos, kung saan 50% ay bulok pa rin. Kaya nga sinasabi ng Diyos na wala Siyang natatamong patunay sa tao. Dahil mismo sa pagsuway ng tao kaya ang tono ng mga pahayag ng Diyos ay lubhang walang-puso at manhid. Bagama’t hindi nakikipag-usap ang Diyos sa tao tungkol sa mga panahong nagdaan, laging gusto ng mga tao na gunitain ang nakaraan, upang ipakita ang kanilang sarili sa harap ng Diyos, at lagi nilang gustong pag-usapan ang mga panahong nagdaan—subalit hindi kailanman itinuring ng Diyos ang kahapon ng tao bilang ngayon; sa halip, pinakikitunguhan Niya ang mga tao ngayon ayon sa ngayon. Ito ang saloobin ng Diyos, at dito, malinaw nang sinabi ng Diyos ang mga salitang ito, upang pigilan ang mga tao sa pagsasabi sa hinaharap na masyadong hindi makatwiran ang Diyos. Sapagkat hindi gumagawa ang Diyos ng mga maling bagay, kundi sinasabi Niya sa mga tao ang mga katotohanan, kung hindi ay hindi magagawa ng mga tao na manindigan—sapagkat ang tao, matapos ang lahat, ay mahina. Ngayong narinig na ninyo ang mga salitang ito, paano na: Handa ba kayong makinig at magpasakop, at huwag na itong isipin pa?
Ang binanggit sa itaas ay walang kaugnayan sa paksa; hindi mahalaga kung pinag-uusapan ito o hindi. Sana’y hindi kayo magtangi, dahil pumaparito ang Diyos upang gawin ang gawain ng mga salita, at gusto Niyang pag-usapan ang lahat ng bagay. Ngunit magkagayunman ay basahin pa rin sana ninyo ang mga iyon, at hindi balewalain ang mga salitang ito. Ano ang masasabi ninyo? Gagawin ba ninyo iyon? Kasasabi pa lamang na sa mga salita ngayon ay naghayag ang Diyos ng bagong impormasyon: Ang pamamaraan ng paggawa ng Diyos ay magbabago na. Sa gayon, makabubuting magtuon sa mainit na paksang ito mismo. Masasabi na lahat ng binigkas ngayon ay nagpopropesiya ng mga mangyayari sa hinaharap; ang mga pahayag na ito ay ang paraan ng Diyos sa pagsasaayos para sa susunod na hakbang ng Kanyang gawain. Halos tapos na ng Diyos ang Kanyang gawain sa mga tao ng iglesia, at pagkatapos ay magpapakita Siya sa lahat ng tao nang may galit. Sabi nga ng Diyos, “Papangyarihin Ko na kilalanin ng mga tao sa lupa ang Aking mga ginagawa, at mapapatunayan ang Aking mga gawa sa harap ng ‘luklukan ng paghatol,’ upang ang mga iyon ay kilalanin ng mga tao sa buong daigdig, na magsisisukong lahat.” May nakita ba kayong anuman sa mga salitang ito? Narito ang buod ng susunod na bahagi ng gawain ng Diyos. Una, papangyarihin ng Diyos na lubos na makumbinsi ang lahat ng asong bantay na may-kapangyarihan sa pulitika at paaatrasin sila nang may pagkukusa mula sa yugto ng kasaysayan, upang hindi na muling makipag-agawan kailanman para sa katayuan, at hindi na muling mag-abala kailanman sa mga pakana at intriga. Ang gawaing ito ay kailangang isakatuparan sa pamamagitan ng Diyos, sa pamamagitan ng pagpapadala ng iba-ibang kalamidad sa lupa. Ngunit hindi talaga sa ganitong sitwasyon magpapakita ang Diyos. Sa panahong ito, ang bansa ng malaking pulang dragon ay magiging lupain pa rin ng karumihan, at samakatuwid ay hindi magpapakita ang Diyos, kundi lalabas lamang sa pamamagitan ng pagkastigo. Ganyan ang matuwid na disposisyon ng Diyos, na hindi matatakasan ninuman. Sa panahong ito, lahat ng nananahan sa bansa ng malaking pulang dragon ay daranas ng kalamidad, na natural lamang na kasama ang kaharian sa lupa (ang iglesia). Ito ang mismong panahon kung kailan lalabas ang mga katunayan, kaya nga mararanasan ito ng lahat ng tao, at walang sinumang makakatakas. Itinalaga na ito ng Diyos. Dahil mismo sa hakbang na ito ng gawain kaya sinasabi ng Diyos, “Ngayon ang panahon upang isakatuparan ang malalaking plano.” Dahil, sa hinaharap, wala nang iglesia sa lupa, at dahil sa pagdating ng matinding kapahamakan, ang makakaya lamang isipin ng mga tao ay ang nasa harapan nila, at kaliligtaan na nila ang iba pa, at magiging mahirap para sa kanila na matamasa ang Diyos sa gitna ng matinding kapahamakan. Sa gayon, hinihiling sa mga tao na buong-puso nilang mahalin ang Diyos sa kamangha-manghang panahong ito, upang hindi sila malagpasan ng pagkakataon. Kapag lumipas na ang katunayang ito, lubusan nang natalo ng Diyos ang malaking pulang dragon, at sa gayon ay nagwakas na ang gawain ng patotoo ng mga tao ng Diyos; pagkatapos, sisimulan ng Diyos ang susunod na hakbang ng gawain, ang pagwasak sa bansa ng malaking pulang dragon, at sa kahuli-hulihan ay ipapako sa krus nang pabaligtad ang lahat ng tao sa buong sansinukob, at pagkatapos ay lilipulin Niya ang buong sangkatauhan—ito ang mga hakbang ng gawain ng Diyos sa hinaharap. Sa gayon, dapat ninyong hangaring gawin ang lahat para mahalin ang Diyos sa payapang kapaligirang ito. Sa hinaharap mawawalan na kayo ng mga pagkakataong mahalin ang Diyos, sapagkat may pagkakataon lamang ang mga tao na mahalin ang Diyos sa laman; kapag nabubuhay na sila sa ibang mundo, wala nang sinumang magsasalita tungkol sa pagmamahal sa Diyos. Hindi ba ito ang responsibilidad ng isang nilalang? Kaya nga paano ninyo dapat mahalin ang Diyos sa mga panahon ng inyong buhay? Naisip mo na ba ito kahit kailan? Naghihintay ka ba hanggang sa mamatay ka para mahalin ang Diyos? Hindi ba ito hungkag na pananalita? Ngayon, bakit hindi mo patuloy na sinisikap mahalin ang Diyos? Tunay na pagmamahal ba sa Diyos ang mahalin Siya habang nananatili kang abala? Kaya sinabi na ang hakbang na ito ng gawain ng Diyos ay magwawakas na ay dahil may patotoo na ang Diyos sa harap ni Satanas. Sa gayon, wala nang kailangang gawin ang tao; hinihiling lamang sa tao na patuloy na sikaping mahalin ang Diyos sa mga taon ng kanyang buhay—ito ang susi. Dahil ang mga hinihiling ng Diyos ay hindi malaki, at, bukod pa riyan, dahil may nag-aalab na pagkabalisa sa Kanyang puso, nagbunyag na Siya ng isang buod ng susunod na hakbang ng gawain bago matapos ang hakbang na ito ng gawain, na malinaw na nagpapakita kung gaanong panahon pa ang natitira; kung hindi nababalisa ang Diyos sa Kanyang puso, bibigkasin ba Niya ang mga salitang ito nang napakaaga? Dahil maikli ang panahon kung kaya gumagawa ang Diyos sa ganitong paraan. Sana’y makaya ninyong mahalin ang Diyos nang buong puso, buong isipan, at buong lakas, tulad ng pagmamahal ninyo sa inyong sariling buhay. Hindi ba ito isang buhay na napakamakahulugan? Saan pa ninyo matatagpuan ang kahulugan ng buhay? Hindi ba kayo nagpapakabulag? Handa ka bang mahalin ang Diyos? Nararapat ba ang Diyos sa pagmamahal ng tao? Nararapat ba ang mga tao sa pagsamba ng tao? Kaya, ano ang dapat mong gawin? Mahalin mo ang Diyos nang may tapang, nang walang pag-aalinlangan, at tingnan mo kung ano ang gagawin ng Diyos sa iyo. Tingnan mo kung papaslangin ka Niya. Sa kabuuan, ang atas na mahalin ang Diyos ay mas mahalaga kaysa ang kopyahin at isulat ang mga bagay-bagay para sa Diyos. Dapat mong unahin kung ano ang pinakamahalaga, upang ang iyong buhay ay magkaroon ng higit na halaga at mapuspos ng kaligayahan, at pagkatapos ay dapat mong hintayin ang “hatol” ng Diyos para sa iyo. Iniisip Ko kung kasama kaya sa plano mo ang mahalin ang Diyos. Ang mga plano sana ng lahat ay yaong tinatapos ng Diyos, at sana magkatotoo ang lahat ng iyon.