Kabanata 41

Paano ba gumagawa ang Diyos sa tao? Alam mo na ba ito? Malinaw ba ito sa iyo? At paano Siya gumagawa sa iglesia? Ano ang mga pananaw mo sa mga bagay na ito? Naisaalang-alang mo na ba ang mga katanungang ito? Ano ba ang inaasahan Niyang matupad sa pamamagitan ng Kanyang gawain sa iglesia? Malinaw ba ang lahat ng ito sa iyo? Kung hindi, kung gayon ang lahat ng iyong ginagawa ay walang-silbi at walang-kabuluhan! Naantig na ba ng mga salitang ito ang iyong puso? Ang pagkakaroon lamang ng aktibong pag-unlad nang hindi umuurong sa pasibong paraan—maaabot ba sa ganitong paraan ang kalooban ng Diyos? Sapat na ba ang bulag na pakikipagtulungan? Ano ang dapat gawin kung hindi pa malinaw sa iyo ang mga pangitain? Ayos lang ba na hindi na maghanap pa? Sinasabi ng Diyos, “Ako ay minsang nagsagawa ng isang malaking gawain sa gitna ng mga tao, ngunit hindi nila napansin, kaya kinailangan Kong gamitin ang Aking salita upang ibunyag ito sa kanila nang paisa-isang hakbang. Gayunman, hindi pa rin maunawaan ng tao ang Aking mga salita, at nanatili siyang walang-alam sa layunin ng Aking plano.” Ano ang kahulugan ng mga salitang ito? Naisaalang-alang mo na ba ang layuning ito? Tunay bang Ako ay basta lamang kumikilos at walang layunin? Kung gayon, ano ang punto? Kung ang layuning ito ay hindi malinaw at hindi mo maunawaan, kung gayon ay paano maaabot ang tunay na pakikipagtulungan? Sinasabi ng Diyos na ang mga hinahangad ng mga tao ay nasa walang hangganang mga karagatan, nasa gitna ng hungkag na mga salita at doktrina. Tungkol naman sa inyong mga hangarin, kahit ikaw ay walang kakayahang ipaliwanag kung saang kategorya nabibilang ang mga ito. Ano ba ang nais ng Diyos na maisagawa sa tao? Dapat na maging malinaw sa iyo ang lahat ng ito. Ito ba ay para lamang hiyain ang malaking pulang dragon sa negatibong paraan? Pagkatapos hiyain ang malaking pulang dragon, ang Diyos ba ay pupunta sa kabundukan nang walang dala at mamumuhay roon nang mag-isa? Kung gayon, ano ang ninanais ng Diyos? Nais ba Niya talaga ang mga puso ng mga tao? O ninanais ba Niya ang kanilang mga buhay? O ang kanilang kayamanan at mga ari-arian? Ano ang gamit ng mga ito? Walang pakinabang ang mga ito sa Diyos. Ang Diyos ba ay nakagawa nang napakalaking gawain sa tao para lamang gamitin siya bilang patunay ng Kanyang tagumpay laban kay Satanas, upang maipakita ang Kanyang “mga kakayahan”? Hindi ba nito gagawin ang Diyos na tila isang “hamak”? Ang Diyos ba ay ganyang uri ng Diyos? Tulad ng isang batang hinihila ang matatanda sa isang away? Anong kabuluhan nito? Laging sinusukat ng tao ang Diyos sa pamamagitan ng kanyang sariling mga kuru-kuro. Minsan nang sinabi ng Diyos, “May apat na panahon sa loob ng isang taon, at tatlong buwan ang bawat panahon.” Ang tao ay nakinig sa mga salitang ito, kinabisado ang mga ito, at sinabing palaging mayroong tatlong buwan sa isang panahon at apat na panahon sa isang taon. Nang nagtanong ang Diyos, “Ilang panahon ang mayroon sa isang taon? At ilang buwan ang mayroon sa bawat panahon?” ang tao ay sumagot nang sabay-sabay, “Apat na panahon, tatlong buwan.” Palaging sinusubukan ng tao na bigyang-kahulugan ang Diyos batay sa isang pangkat ng mga panuntunan, at ngayon, sa pagpasok sa kapanahunan ng “tatlong panahon kada taon, apat na buwan kada panahon,” hindi pa rin ito alam ng tao, na para bang siya ay nabulag, naghahanap ng mga panuntunan sa lahat ng bagay. At ngayon, sinusubukan ng sangkatauhang ilapat ang kanilang “mga panuntunan” sa Diyos! Talagang bulag sila! Hindi ba nila nakikita na ngayon ay wala nang “taglamig,” tanging “tagsibol, tag-araw, at taglagas” na lamang? Talagang hangal ang tao! Ang maabot ang kalagayang ito at hindi pa rin malaman kung paano kilalanin ang Diyos ay tulad lamang ng mga tao noong dekada 1920, na nag-aakalang ang transportasyon ay hindi maginhawa, kaya kailangang maglakad ng lahat ng tao, o umakay ng isang asno, o nag-aakalang dapat gumamit ang tao ng lamparang langis, o naniniwalang ang sinaunang pamamaraan ng pamumuhay pa rin ang nananaig. Hindi ba ang lahat ng ito ay mga kuru-kuro sa mga isipan ng mga tao? Bakit nagsasalita pa rin sila ng tungkol sa habag at mapagmahal na kabaitan ngayon? Ano ang gamit nito? Tulad ito ng pagdakdak ng isang matandang babae tungkol sa kanyang nakaraan—ano ang gamit ng mga salitang ito? Kung sabagay, ang kasalukuyan ay ang kasalukuyan; ang oras ba ay maibabalik nang 20 o 30 taon? Ang lahat ng tao ay sumusunod sa agos; bakit labis silang nag-aatubili na tanggapin ito? Sa kasalukuyang kapanahunan ng pagkastigo, anong gamit ng pagsasalita tungkol sa habag at mapagmahal na kabaitan? Habag at mapagmahal na kabaitan—ang mga ito lamang ba ang lahat ng mayroon ang Diyos? Bakit sa panahong ito ng “harina at bigas,” ang mga tao ay patuloy na nagsisilbi ng “ipa ng dawa at mga ligaw na gulay”? Ang mga bagay na hindi ninanais gawin ng Diyos ay ipinipilit sa Kanya ng tao. Kapag Siya ay tumanggi, Siya ay binabansagang isang “kontra-rebolusyonaryo,” at kahit sinabi na nang paulit-ulit na ang Diyos ay hindi likas na mahabagin o mapagmahal, sino ang nakikinig? Ang tao ay masyadong kakatwa. Parang ang salita ng Diyos ay walang epekto. Laging naiiba ang pananaw ng mga tao sa Aking mga salita. Ang Diyos ay laging tinatakot ng mga tao, na tila ba pinagbibintangan ang mga tao sa mga krimen nang walang batayan—kaya sino ang maaaring maging kaisa sa isip ng Diyos? Palagi kayong handang mamuhay sa habag at mapagmahal na kabaitan ng Diyos, kaya ano ang magagawa ng Diyos kundi ang tiisin ang mga pang-iinsulto ng tao? Gayunman, umaasa Ako na masusi ninyong sasaliksikin kung paano gumagawa ang Banal na Espiritu bago makipagtalo sa Diyos. Subalit hinihimok pa rin kita na masusing tingnan ang orihinal na kahulugan ng salita ng Diyos—huwag isipin na matalino ka dahil naniniwala kang ang salita ng Diyos ay “pinalabnaw.” Hindi iyan kailangan! Sino ang makakapagsabi kung gaano na “kalabnaw” ang salita ng Diyos? Maliban na lang kung sinabi ito nang tuwiran ng Diyos o ipinakita ito nang malinaw. Huwag ipalagay na napakataas ng iyong sarili. Kung nakikita ninyo ang landas ng pagsasagawa mula sa Kanyang mga salita, kung gayon ay natutugunan ninyo ang mga hinihingi Niya. Ano pa ang nais ninyong makita? Sinabi ng Diyos “Hindi na Ako magpapakita ng habag sa kahinaan ng tao.” Kung hindi ninyo nauunawaan ang kahulugan maging ng malinaw at simpleng pahayag na ito, ano ang halaga ng higit pang pagsasaliksik at pagsisiyasat? Kung wala maging ang pangunahing kaalamang pang-makina, paano kayo magiging kwalipikado na bumuo ng isang “rocket”? Hindi ba’t ang ganitong tao ay nagpapakita ng mga kahambugan? Ang tao ay walang mapagkukunan para isakatuparan ang gawain ng Diyos; ang Diyos ang nagtataas sa kanya. Ang paglingkuran lamang Siya nang hindi nalalaman kung ano ang iniibig Niya o ano ang kinamumuhian Niya—hindi ba ito ang pormula ng isang sakuna? Hindi nakikilala ng mga tao ang kanilang mga sarili, ngunit iniisip nila na sila ay di-pangkaraniwan. Sino ba sila sa inaakala nila! Wala silang ideya kung ano ang mabuti at kung ano ang masama. Pag-isipan ang nakaraan, at tumingin sa hinaharap—ano ang palagay ninyo roon? Pagkatapos niyan ay kilalanin ang inyong sarili.

Marami nang ibinunyag ang Diyos tungkol sa mga hangarin at layunin ng tao. Sinabi Niya, “Doon Ko lamang malinaw na nakita ang mga hangarin at mithiin ng tao. Bumuntong-hininga Ako sa loob ng mga ulap: Bakit ang mga tao ay palaging kumikilos para sa kanilang sarili? Hindi ba ang Aking mga pagkastigo ay para gawin silang perpekto? Sinasadya Ko bang patamaan ang positibo nilang saloobin?” Gaano karami ang natutunan ninyo tungkol sa inyong sarili mula sa mga salitang ito? Talaga bang nawala na ang mga hangarin at layunin ng tao? Tiningnan na ba ninyo mismo ito? Makabubuting lumapit kayo sa harap ng Diyos at subukang unawain ito: Ano ang resultang nakamit ng gawain ng pagkastigo ng Diyos sa inyo? Nabuod na ba ninyo ito? Marahil ang resulta ay napakaliit; kung hindi ay matagal na kayong nagsalita nang sobra tungkol dito. Ano ba ang kailangang ipasakatuparan ng Diyos sa inyo? Sa napakaraming salitang sinabi sa inyo, ilan na ang nagbunga, at ilan ang walang kabuluhan? Sa mga mata ng Diyos, kaunti lamang sa Kanyang mga salita ang nagbunga; ito ay dahil hindi kailanman naunawaan ng tao ang orihinal na kahulugan ng Kanyang mga salita, at ang kanya lamang tinatanggap ay kung ano ang umaalingawngaw pabalik. Ito ba ang paraan para malaman ang kalooban ng Diyos? Sa malapit na hinaharap, dadami pa ang gawain ng Diyos para sa tao; matutupad ba ng tao ang gawaing iyan sa pamamagitan ng maliit na tayog na mayroon ang tao ngayon? Kung hindi lumilihis ay nagkakamali, o nagyayabang—ang kalikasan ng mga tao ay tila ganito. Mahirap ito na maunawaan para sa Akin: Bagama’t marami nang nasabi ang Diyos, bakit wala rito ang isinasapuso ng tao? Maaari kayang nagsasalita lamang nang pabiro ang Diyos sa tao at hindi naghahangad ng anumang resulta? O pinatatanghal sa tao ang isang dulaan na tinatawag na “Kaligayahan, Galit, Kalungkutan, at Galak”? Upang pasayahin ang tao sa isang sandali, at paiyakin sa susunod—at pagkatapos, kapag ang tao ay umalis na sa entablado, siya ay naiiwan sa kanyang sariling mga pakana? Ano ang magiging resulta nito? “Bakit ang Aking mga hinihingi sa tao ay palaging nauuwi sa wala? Ito ba ay dahil mistulang hinihingi Ko sa isang aso na umakyat sa isang puno? Na lumilikha Ako ng labis na kuskus-balungos mula sa wala?” Ang lahat ng mga salita ng Diyos ay nakatuon sa tunay na kalagayan ng tao. Hindi makasasama na tingnan ang kalooban ng lahat ng tao, upang makita kung sino ang namumuhay ayon sa salita ng Diyos. “Maging sa kasalukuyan, malaking bahagi ng kalupaan ang patuloy na nagbabago. Kung balang-araw ang lupa ay talagang magbabago ng uri, agaran Ko itong isasantabi—hindi ba iyan mismo ang gawain Ko sa kasalukuyang yugto?” Tunay nga na kahit ngayon ay ginagawa ng Diyos ang gawaing ito; ang sinabi Niya tungkol sa “pagpapatalsik nito sa isang pitik ng Aking kamay” ay tumutukoy sa hinaharap, dahil kailangan na may proseso ang bawat bagay. Ang kasalukuyang takbo ng gawain ng Diyos ay ganito—malinaw ba ito sa inyo? Mayroong mga kapintasan ang mga hangarin ng tao, at sinamantala ng maruruming espiritu ang pagkakataon na makapasok. Sa panahong ito, “ang lupa ay nag-iiba ng uri.” Ang mga tao ay sasailalim sa pagbabago ng kalidad, bagama’t hindi pagbabago ng kanilang diwa, dahil mayroon pang ibang mga bagay sa mas pinaunlad na lupa. Sa ibang salita, ang orihinal na lupa ay mababang uri, ngunit matapos itong paunlarin, ito ay maaari nang magamit. Subalit matapos itong magamit sa loob ng ilang panahon, at hindi na ito ginagamit, ito ay unti-unting babalik sa orihinal nitong anyo. Ito ay buod ng susunod na hakbang sa gawain ng Diyos. Ang gawain sa hinaharap ay magiging mas kumplikado, dahil ito ay panahon na paghihiwa-hiwalayin ang lahat ng bagay ayon sa kanilang uri. Sa lugar ng tagpuan, kapag ang lahat ay magwawakas na, hindi mapipigilan ang kaguluhan, at ang tao ay mawawalan ng matibay na paniniwala. Gaya lamang ito ng sinabi ng Diyos: “Ang mga tao ay pawang mga nagtatanghal na kumakanta kasabay ng anumang awiting pinatutugtog.” Ang mga tao ay may kakayahang kumanta kasabay ng anumang awiting pinatutugtog, kaya ginagamit ng Diyos ang kapintasang ito para magawa ang susunod na hakbang sa Kanyang gawain, upang mabigyang-kakayahan ang lahat ng tao na malunasan ang kakulangang ito. Dahil wala silang tunay na tayog kung kaya ang mga tao ay parang mga damong lumalago sa ibabaw ng pader. Kung magkaroon sila ng tayog, sila ay magiging matataas na mga puno na umaabot hanggang himpapawid. Sinasadya ng Diyos na gamitin ang isang bahagi ng gawain ng masasamang espiritu upang perpektuhin ang isang bahagi ng sangkatauhan, binibigyang-kakayahan ang mga taong ito na lubusang makita ang mga kasamaan ng demonyo, upang ang buong sangkatauhan ay maaaring tunay na makilala ang kanilang “mga ninuno”. Tanging sa ganitong paraan ganap na makakalaya ang mga tao, na hindi lamang tinatalikdan ang pamana ng mga diyablo, kundi pati ang mga ninuno ng mga diyablo. Ito ang tunay na hangarin ng Diyos sa ganap na paggapi ng malaking pulang dragon, upang makilala ng buong sangkatauhan ang tunay na anyo ng malaking pulang dragon, upang lubusang mapunit ang maskara nito at makita ang tunay nitong anyo. Ito ang ninanais ng Diyos na makamit, ito ang huling layunin ng lahat ng gawain Niya sa lupa, at ito ang hinahangad Niyang maisakatuparan sa buong sangkatauhan. Ito ay tinatawag na pagpapakilos sa lahat ng bagay para mapagsilbihan ang layunin ng Diyos.

Hinggil sa gawain sa hinaharap, malinaw ba sa inyo kung paano ito isasagawa? Ang mga bagay na ito ay dapat maunawaan. Halimbawa: Bakit sinasabi ng Diyos na ang mga tao ay hindi kailanman inaasikaso ang mga dapat nilang gawin? Bakit Niya sinasabi na maraming tao ang nabigong tapusin ang takdang gawain na ibinigay Niya sa kanila? Paano matutupad ang mga bagay na ito? Isinaalang-alang na ba ninyo ang mga tanong na ito? Naging paksa na ba ang mga ito ng iyong pakikipagbahagian? Sa yugtong ito ng gawain, dapat ipaunawa sa tao ang kasalukuyang mga hangarin ng Diyos. Sa sandaling ito ay nakamit, kung gayon ang ibang bagay ay maaaring talakayin—hindi ba ito isang magandang paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay? Kung ano ang inaasam ng Diyos na makamit sa tao ay kailangang maipaliwanag nang malinaw, kung hindi ay mawawalang-saysay ang lahat, at hindi makakaya ng tao na pumasok dito, at lalong hindi nila ito makakamit, ang lahat ay magiging walang saysay na pagsasalita. Tungkol naman sa sinabi ng Diyos ngayong araw—nakasumpong ka na ba ng isang landas para maisagawa ito? Ang lahat ng mga tao ay mayroong pangamba tungkol sa mga salita ng Diyos. Hindi nila lubos na maunawaan ang mga ito, gayunman ay natatakot din sila na magkasala sa Diyos. Sa kasalukuyan, ilang paraan ng pagkain at pag-inom ang natagpuan na? Karamihan sa mga tao ay hindi marunong kumain at uminom ng mga salita ng Diyos; paano ito malulutas? Nakahanap ka ba ng paraan ng pagkain at pag-inom sa mga salita ngayong araw? Paano mo ngayon sinusubukan na makipagtulungan na magawa ito? At sa sandaling kumain at uminom na kayong lahat ng mga salita, sa anong paraan ninyo tinatalakay ang inyong mga repleksyon sa mga ito? Hindi ba ito ang dapat gawin ng tao? Paano ba nagrereseta ang isang tao ng tamang gamot para sa isang karamdaman? Kailangan mo pa rin ba na ang Diyos ang tuwirang magbigkas nito? Ito ba ay kinakailangan? Paano lubusang mawawala ang mga suliraning binanggit sa itaas? Nakadepende ito kung kaya ninyong makipagtulungan sa Banal na Espiritu sa mga praktikal ninyong kilos. Kung mayroong angkop na pakikipagtulungan, ang Banal na Espiritu ay gagawa ng dakilang gawain. Kung walang angkop na pakikipagtulungan, ngunit sa halip ay kalituhan lamang, ang Banal na Espiritu ay hindi malalagay sa isang katayuan upang magamit ang Kanyang kapangyarihan. “Kung kilala mo ang iyong sarili at kilala mo ang iyong kaaway, kung gayon ay palaging mapapasaiyo ang tagumpay.” Kung sino man ang unang bumigkas ng mga salitang ito, ang mga iyon ay maaaring magamit nang pinakaakma sa inyo. Sa madaling sabi, dapat muna ninyong makilala ang inyong mga sarili bago ninyo makikilala ang inyong mga kaaway, at ang paggawa lamang sa dalawang ito ang magpapapanalo sa inyo sa bawat labanan. Ang lahat ng mga bagay na ito ang dapat na makayanan ninyong gawin. Anuman ang hinihingi sa iyo ng Diyos, kailangan mo lamang pagsikapan ito nang buo mong lakas, at umaasa Ako na makakapunta ka sa harapan ng Diyos at makapagbibigay sa Kanya ng iyong pinakamasidhing debosyon sa katapusan. Kung makikita mo ang nasisiyahang ngiti ng Diyos habang Siya ay nakaupo sa Kanyang trono, kung ito man ay ang oras ng iyong kamatayan, dapat mong makayang tumawa at ngumiti habang ipinipikit ang iyong mga mata. Dapat mong gawin ang iyong huling tungkulin sa Diyos sa iyong panahon sa lupa. Noon, si Pedro ay ipinako sa krus nang pabaligtad para sa Diyos; subalit dapat mong bigyang-kasiyahan ang Diyos sa katapusan, at ubusin ang lahat ng iyong lakas para sa Kanya. Ano ang maaaring gawin ng isang nilalang para sa Diyos? Dapat mong ibigay samakatuwid ang iyong sarili sa Diyos, nang mas maaga sa halip na mas huli, para maisaayos ka Niya sa paraang nais Niya. Hangga’t napapasaya at nabibigyang-kaluguran nito ang Diyos, kung gayon ay hayaan Siyang gawin kung ano ang ninanais Niyang gawin sa iyo. Ano ang karapatan ng tao na bumigkas ng mga salita ng pagdaing?

Sinundan: Kabanata 40

Sumunod: Kabanata 42

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito