Kabanata 40
Sa Diyos, ang tao ay tulad ng isang laruan na Kanyang hawak-hawak, tulad ng isang hibla ng pansit na hinatak sa Kanyang mga kamay—na maaaring gawing kasing-nipis o kasing-kapal ng nais ng Diyos, para gawin dito ang anumang makasisiya sa Kanya. Makatarungang sabihin na ang tao ay talagang isang laruan sa mga kamay ng Diyos, tulad ng isang pusang Persian na binili ng isang babae sa merkado. Walang duda, isa siyang laruan sa mga kamay ng Diyos—kaya nga walang anumang mali sa kaalaman ni Pedro. Mula rito, makikita na ang mga salita at kilos ng Diyos sa tao ay isinasakatuparan nang madali at nakasisiya. Hindi Siya nag-iisip nang husto o gumagawa ng mga plano, tulad ng inaakala ng mga tao; ang gawaing Kanyang ginagawa sa tao ay napaka-normal, gayundin ang mga salitang binibigkas Niya sa tao. Kapag nagsasalita ang Diyos, tila sinasabi Niya ang mga bagay na wala siyang balak na sabihin, sinasabi Niya ang anumang pumasok sa Kanyang isipan, nang walang pagpipigil. Gayunman, matapos basahin ang mga salita ng Diyos, lubos na nakumbinsi ang mga tao, wala silang masabi, nandidilat ang kanilang mga mata at natutulala sila. Ano ang nangyayari dito? Ipinapakita nitong mabuti kung gaano kadakila ang karunungan ng Diyos. Kung, tulad ng inaakala ng mga tao, kinailangang planuhin nang masusi ang gawain ng Diyos sa tao para maging tumpak at tama—na palawigin pa ang mga imahinasyong ito—masusukat ang karunungan, pagiging kamangha-mangha, at pagiging hindi maarok ng Diyos, na nagpapakita na napakababa ng pagpapahalaga ng mga tao sa Diyos. Dahil laging may kamangmangan sa mga kilos ng mga tao, sinusukat nila ang Diyos sa gayon ding paraan. Hindi gumagawa ng mga plano o pagsasaayos ang Diyos para sa Kanyang gawain; sa halip, tuwiran itong isinasakatuparan ng Espiritu ng Diyos—at ang mga prinsipyo kung paano gumagawa ang Espiritu ng Diyos ay malaya at hindi mapigilan. Para bang hindi pinapansin ng Diyos ang mga kalagayan ng tao at nagsasalita kung paano Niya gusto—subalit halos hindi pa rin maihiwalay ng tao ang kanyang sarili sa mga salita ng Diyos, dahil sa karunungan ng Diyos. Ang mga katunayan, tutal naman, ay mga katunayan. Dahil kitang-kita ang gawain ng Espiritu ng Diyos sa lahat ng tao, sapat na ito para ipakita ang mga prinsipyo ng gawain ng Diyos. Kung kinailangan ng Diyos na magbayad ng gayon kalaking halaga sa Kanyang gawain sa mga nilalang, hindi ba iyon magiging isang kaso ng paggamit ng mainam na troso sa walang katuturan? Kailangan bang kumilos ang Diyos nang personal? Magiging sulit ba iyon? Dahil napakatagal nang gumagawa ng Espiritu ng Diyos, subalit sa buong mga kapanahunan ay hindi kailanman gumawa ang Espiritu ng Diyos sa ganitong paraan, wala pang sinumang nakaalam sa kaparaanan at mga prinsipyong ginagamit ng Diyos sa paggawa, hindi kailanman naging malinaw ang mga iyon. Ngayon ay malinaw ang mga iyon, sapagkat personal na naihayag ng Espiritu ng Diyos ang mga iyon—at wala itong kaduda-duda, tuwiran itong ipinakita ng Espiritu ng Diyos, hindi ibinuod ng tao. Bakit hindi ka maglakbay patungong ikatlong langit at tingnan mo kung ito talaga ang nangyayari; tingnan, matapos gawin ang lahat ng gawaing ito, kung nakapagod sa Kanya ang mga gawain ng Diyos, masakit ang Kanyang likod at ang Kanyang mga binti, o kaya ay hindi Siya makakain o makatulog; at kung kinailangan Niyang basahin ang napakaraming sangguniang materyal para sabihin ang lahat ng salitang ito, kung nakakalat sa mesa ang nakasulat na mga draft ng mga pagbigkas ng Diyos, at kung nanunuyo ang Kanyang bibig matapos magsalita ng napakarami. Kabaligtaran nito mismo ang mga katunayan: Ang mga salitang binanggit sa itaas ay walang anumang pagkakatulad sa lugar na tinatahanan ng Diyos. Sabi ng Diyos, “Nakagugol Ako ng mahabang panahon at nagbayad ng malaking halaga alang-alang sa tao—ngunit sa panahong ito, sa di-malamang dahilan, nananatiling walang kakayahan ang konsiyensya ng mga tao na gampanan ang kanilang orihinal na tungkulin.” Nadarama man ng mga tao ang kalungkutan ng Diyos, kung madarama nila ang pagmamahal ng Diyos nang hindi nilalabanan ang kanilang konsiyensya, ituturing itong may dahilan at makatwiran. Ang nakakatakot lamang ay na ayaw nilang pasanin ang orihinal na gamit ng konsiyensya. Ano ang masasabi mo, tama ba ito? Nakakatulong ba sa iyo ang mga salitang ito? Umaasa Ako na kabilang kayo sa klase ng mga bagay na may konsiyensya, sa halip na maging basurang walang konsiyensya. Ano ang palagay mo sa mga salitang ito? Nadarama ba ito ng sinuman? Hindi ba masakit ang matusok ng karayom sa puso mo? Itinutusok ba ng Diyos ang karayom sa isang bangkay na walang pakiramdam? Nagkakamali ba ang Diyos, pinalabo na ba ng katandaan ang Kanyang paningin? Sinasabi Ko na imposible iyan! Magkagayunman, kagagawan siguro ito ng tao. Bakit hindi ka pumunta sa ospital at tingnan mo? Walang dudang may problema sa puso ng tao; kailangan itong sukatan ng bagong “mga piyesa”—ano sa palagay mo? Gagawin mo ba iyon?
Sinasabi ng Diyos, “Tinitingnan Ko ang kanilang pangit na mukha at kakatwang kalagayan, at minsan Ko pang nililisan ang tao. Sa ilalim ng gayong mga sitwasyon, hindi pa rin makaintindi ang mga tao, at minsan Ko pang binabawi ang mga bagay na naipagkait Ko sa kanila, na naghihintay sa Aking pagbalik.” Bakit, ngayong “panahon ng bagong teknolohiya,” nagsasalita pa rin ba ang Diyos tungkol mga kariton na hila-hila ng mga baka? Bakit ganito? Dahil ba sa nais ng Diyos na mangulit? Nagpapalipas ba ng oras ang Diyos dahil wala Siyang magawang mas mabuti? Katulad ba ng tao ang Diyos, pinalilipas lamang ang oras na walang ginagawa matapos busugin ang sarili? May silbi bang ulit-ulitin ang mga salitang ito? Nasabi Ko nang ang mga tao ay mga walanghiya, na kailangan mo silang laging sunggaban sa mga tainga para makaintindi sila. Matapos sambitin ang mga salita sa kanila ngayon, agad nilang malilimutan ang mga iyon kinabukasan—na para bang mayroon silang amnesya. Sa gayon, hindi totoo na hindi nasambit ang ilang salita, kundi na hindi nasunod ng mga tao ang mga iyon. Kung may sinabing isang bagay nang isa o dalawang ulit, wala pa ring alam ang mga tao—kailangan itong sabihin nang tatlong beses, ito ang pinakamaliit na bilang. Mayroon pa ngang ilang “matatandang lalaki” na kailangang sabihan nito nang sampu hanggang dalawampung ulit. Sa ganitong paraan, sinasabi ang iisang bagay nang paulit-ulit sa iba’t ibang mga paraan, upang makita kung nagbago na ang mga tao o hindi pa. Ganito ba talaga ang ginawa ninyo? Hindi Ko gustong takutin ang mga tao, ngunit niloloko nilang lahat ang Diyos; alam nilang lahat na kailangang uminom ng mas maraming pandagdag sa nutrisyon, ngunit hindi nakakaramdam ng pagkabalisa dahil sa Diyos—paglilingkod ba ito sa Diyos? Pagmamahal ba ito sa Diyos? Kaya pala ginugugol nila ang buong maghapon na walang pakialam sa mundo, walang ginagawa at walang kibo. Magkagayunman, hindi pa rin nasisiyahan ang ilang tao, at lumilikha sila ng sarili nilang ikalulungkot. Siguro medyo marahas Ako, ngunit ito ang tinatawag na sobrang pagkasentimental tungkol sa inyong sarili! Ang Diyos ba ang nagpapalungkot sa iyo? Hindi ba ito isang kalagayan ng paghahatid ng pagdurusa sa sarili mo? Wala bang isa man sa mga biyaya ng Diyos ang karapat-dapat na pagmulan ng kaligayahan mo? Sa kabuuan, hindi mo naisaisip ang kalooban ng Diyos, at ikaw ay naging negatibo, sakitin, at malungkot—bakit ganito? Kalooban ba ng Diyos na mabuhay ka sa laman? Wala kang alam tungkol sa kalooban ng Diyos, hindi mapalagay ang kaibuturan ng sarili mong puso, bumubulung-bulong ka at nagrereklamo, at maghapon kang matamlay, at nagdaranas ng sakit at paghihirap ang iyong laman—iyan ang nararapat sa iyo! Hinihiling mong purihin ng iba ang Diyos sa gitna ng pagkastigo, na lumabas sila mula sa pagkastigo, at huwag papigil dito—subalit nahulog ka na rito at hindi na makatakas. Taon ang kailangan para matularan itong mala-Dong Cunrui na “espiritu ng pagsasakripisyo ng sarili.” Kapag nangangaral ka ng mga salita at doktrina, hindi ka ba nahihiya? Kilala mo ba ang sarili mo? Naisantabi mo na ba ang sarili mo? Talaga bang mahal mo ang Diyos? Naisantabi mo na ba ang iyong mga inaasam at kapalaran? Kaya pala sinasabi ng Diyos na ang mga tao ang siyang kamangha-mangha at hindi maarok. Sino ang makakaisip na napakaraming “kayamanan” sa kalooban ng tao na hindi pa nahuhukay? Ngayon, makita lamang ito ay sapat na para “buksan ang mga mata ng isang tao”—lubhang “kamangha-mangha” ang mga tao! Para bang isa Akong batang hindi marunong magbilang. Kahit ngayon hindi Ko pa alam kung ilang tao ang tunay na nagmamahal sa Diyos. Hindi Ko maaalala ang bilang kailanman—kaya nga, dahil sa Aking “kawalan ng katapatan,” pagdating ng panahon para magsulit sa harap ng Diyos, lagi Akong walang hawak, hindi Ko kayang gawin ang naaayon sa Aking nais, lagi Akong may utang sa Diyos. Dahil dito, kapag Ako ay nagsusulit, lagi Akong “pinangangaralan” ng Diyos. Hindi Ko alam kung bakit napakalupit ng mga tao, lagi Akong pinagdurusa dahil dito. Ginagamit ng mga tao ang pagkakataong ito para maghalakhakan, talagang hindi Ko sila mga kaibigan. Kapag nagkakaproblema Ako, hindi nila Ako binibigyan ng anumang tulong, kundi sadyang pinagtatawanan nila Ako—talagang wala silang konsiyensya!