Tumakas mula sa Impluwensya ng Kadiliman, at Kakamtin Ka ng Diyos
Ano ba ang impluwensya ng kadiliman? Ang tinatawag na “impluwensya ng kadiliman” ay ang impluwensya ng panlilinlang, katiwalian, paggapos, at pagkontrol ni Satanas sa mga tao; ang impluwensya ni Satanas ay isang impluwensyang nagbabadya ng kamatayan. Lahat ng nabubuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas ay tiyak na mamamatay. Paano ka makakatakas mula sa impluwensya ng kadiliman pagkatapos mong magkaroon ng pananampalataya sa Diyos? Kapag nanalangin ka na nang taos sa Diyos, ibinabaling mo nang lubusan ang iyong puso sa Kanya, at sa puntong ito ay inaantig ng Espiritu ng Diyos ang puso mo. Nagiging handa kang ibigay sa Kanya nang lubusan ang iyong sarili, at sa sandaling ito, nakatakas ka na mula sa impluwensya ng kadiliman. Kung ang lahat ng ginagawa ng tao ay yaong nakalulugod sa Diyos at naaayon sa Kanyang mga hinihingi, siya ay isang taong namumuhay ayon sa mga salita ng Diyos at sa ilalim ng Kanyang pangangalaga at proteksyon. Kung hindi maisagawa ng mga tao ang mga salita ng Diyos, kung lagi nilang tinatangkang lokohin Siya, kumikilos nang walang sigla ukol sa Kanya, at hindi naniniwala sa Kanyang pag-iral—lahat ng taong ito ay nabubuhay sa ilalim ng impluwensya ng kadiliman. Ang mga taong hindi pa nakatanggap ng pagliligtas ng Diyos ay nabubuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas; ibig sabihin, lahat sila ay nabubuhay sa ilalim ng impluwensya ng kadiliman. Yaong mga hindi naniniwala sa Diyos ay nabubuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Kahit yaong mga naniniwala sa pag-iral ng Diyos ay maaaring hindi nabubuhay sa Kanyang liwanag, sapagkat yaong mga naniniwala sa Kanya ay maaaring hindi talaga namumuhay ayon sa Kanyang mga salita ni nagagawang magpasakop sa Diyos. Ang tao ay limitado sa pananalig sa Diyos, at dahil wala siyang alam tungkol sa Diyos, nabubuhay pa rin siya ayon sa mga lumang panuntunan, sa mga salitang walang katuturan, sa isang buhay na madilim at walang katiyakan, nang hindi lubos na napadalisay ng Diyos ni lubos Niyang naangkin. Samakatuwid, bagaman hindi na kailangang sabihin pa na yaong mga hindi naniniwala sa Diyos ay nabubuhay sa ilalim ng impluwensya ng kadiliman, kahit yaong mga naniniwala sa Diyos ay maaaring nasa ilalim pa rin ng impluwensya nito, sapagkat wala sa kanila ang gawain ng Banal na Espiritu. Yaong mga hindi pa nakatanggap ng biyaya o awa ng Diyos at yaong mga hindi makakita sa gawain ng Banal na Espiritu ay nabubuhay na lahat sa ilalim ng impluwensya ng kadiliman; at karaniwan, gayon din ang mga taong nagtatamasa lamang ng biyaya ng Diyos subalit hindi Siya nakikilala. Kung ang isang tao ay naniniwala sa Diyos subalit ginugugol ang halos buong buhay niya sa pamumuhay sa ilalim ng impluwensya ng kadiliman, ang pag-iral ng taong ito ay nawalan na ng kabuluhan—at bakit pa babanggitin ang mga taong hindi naniniwala na mayroong Diyos?
Lahat niyaong hindi matanggap ang gawain ng Diyos, o tinatanggap ang gawain ng Diyos ngunit hindi makatugon sa Kanyang mga hinihingi, ay mga taong nabubuhay sa ilalim ng impluwensya ng kadiliman. Yaon lamang mga naghahangad ng katotohanan at kayang tumugon sa mga hinihingi ng Diyos ang tatanggap ng mga pagpapala mula sa Kanya, at sila lamang ang makatatakas mula sa impluwensya ng kadiliman. Yaong mga hindi napalaya, na laging kontrolado ng ilang bagay, at hindi magawang ibigay ang kanilang puso sa Diyos ay mga taong nasa ilalim ng pagkaalipin kay Satanas na nabubuhay na may nagbabadyang kamatayan. Yaong mga hindi tapat sa kanilang sariling mga tungkulin, hindi tapat sa atas ng Diyos, at hindi nagagampanan ang kanilang mga tungkulin sa iglesia ay mga taong nabubuhay sa ilalim ng impluwensya ng kadiliman. Yaong mga sadyang gumagambala sa buhay-iglesia, na sadyang nagpapasimula ng alitan sa pagitan ng kanilang mga kapatid, o bumubuo ng maliliit na grupo ay mga taong nabubuhay sa mas malalim na impluwensya ng kadiliman, sa pagkaalipin kay Satanas. Yaong mga hindi normal ang kaugnayan sa Diyos, na laging may maluluhong pagnanasa, na laging nais na manamantala, at hindi kailanman naghahangad na baguhin ang kanilang mga disposisyon ay mga taong nabubuhay sa ilalim ng impluwensya ng kadiliman. Yaong mga laging walang-ingat at hindi seryoso sa kanilang pagsasagawa ng katotohanan, at hindi naghahangad na tugunan ang kalooban ng Diyos, sa halip ay naghahangad lamang na bigyang kasiyahan ang sarili nilang laman, ay mga tao ring nabubuhay sa ilalim ng impluwensya ng kadiliman, na nalalambungan ng kamatayan. Yaong mga gumagawa ng kabuktutan at panlilinlang kapag gumagawa para sa Diyos, na padalus-dalos sa pakikitungo sa Diyos, na dinadaya ang Diyos, at laging nagpaplano para sa kanilang sarili ay mga taong nabubuhay sa ilalim ng impluwensya ng kadiliman. Lahat niyaong hindi kayang taos-pusong magmahal sa Diyos, na hindi hinahangad ang katotohanan, at hindi tumutuon sa pagbabago ng kanilang mga disposisyon ay mga taong nabubuhay sa ilalim ng impluwensya ng kadiliman.
Kung nais mong mapuri ng Diyos, kailangan mo munang tumakas mula sa madilim na impluwensya ni Satanas, buksan ang iyong puso sa Diyos at ibaling ito sa Kanya nang lubusan. Pupurihin ba ng Diyos ang mga bagay na ginagawa mo ngayon? Naibaling mo na ba ang puso mo sa Diyos? Ang mga nagawa mo ba ay mga bagay na hinihingi sa iyo ng Diyos? Naaayon ba ang mga iyon sa katotohanan? Suriin mo ang iyong sarili sa lahat ng oras at tumutok sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos; ilantad mo ang nilalaman ng puso mo sa Kanyang harapan, mahalin mo Siya nang tapat, at matapat mong gugulin ang iyong sarili para sa Diyos. Ang mga taong gumagawa nito ay tiyak na tatanggap ng papuri ng Diyos. Lahat niyaong naniniwala sa Diyos, subalit hindi hinahangad ang katotohanan, ay walang paraan upang makatakas mula sa impluwensya ni Satanas. Lahat niyaong hindi nabubuhay nang may katapatan, na maganda ang asal sa harap ng iba ngunit iba ang asal pagtalikod nila, na nagpapakita ng pagpapakumbaba, pasensya, at pagmamahal bagama’t ang diwa nila ay mapanira, tuso, at hindi tapat sa Diyos—ang gayong mga tao ay tipikal na mga kinatawan niyaong mga nabubuhay sa ilalim ng impluwensya ng kadiliman; sila ang mga kauri ng ahas. Yaong mga naniniwala lamang sa Diyos para sa sarili nilang pakinabang, na nag-aakalang mas matuwid sila kaysa sa iba at mayabang, mapagpasikat, at pinoprotektahan ang sarili nilang katayuan ay mga taong nagmamahal kay Satanas at kumokontra sa katotohanan. Ang mga taong ito ay lumalaban sa Diyos at lubos na nabibilang kay Satanas. Yaong mga hindi pumapansin sa mga pasanin ng Diyos, na hindi naglilingkod sa Diyos nang buong-puso, na laging inaalala ang sarili nilang mga interes at ang interes ng kanilang pamilya, na hindi magawang iwanan ang lahat upang gugulin ang kanilang sarili para sa Diyos, at na hindi kailanman namumuhay ayon sa Kanyang mga salita ay mga taong hindi sakop ng Kanyang mga salita. Ang ganitong mga tao ay hindi maaaring tumanggap ng papuri ng Diyos.
Nang likhain ng Diyos ang mga tao, ito ay upang matamasa nila ang Kanyang kasaganaan at tunay Siyang mahalin; sa ganitong paraan, mabubuhay ang mga tao sa Kanyang liwanag. Ngayon, tungkol naman sa lahat niyaong hindi kayang mahalin ang Diyos, hindi pinapansin ang Kanyang mga pasanin, hindi magawang ibigay nang lubusan ang kanilang puso sa Kanya, hindi magawang umayon sa Kanyang puso, at hindi kayang dalhin na parang kanila ang Kanyang mga pasanin—ang liwanag ng Diyos ay hindi sumisikat sa gayong mga tao, samakatuwid ay nabubuhay silang lahat sa ilalim ng impluwensya ng kadiliman. Sila ay nasa landas na lubhang salungat sa kalooban ng Diyos, at walang bahid ng katotohanan ang anumang kanilang ginagawa. Nakalublob sila sa burak na kasama ni Satanas; sila ay mga taong nabubuhay sa ilalim ng impluwensya ng kadiliman. Kung madalas kang makakakain at makakainom ng mga salita ng Diyos at makakasunod sa Kanyang kalooban at maisasagawa ang Kanyang mga salita, nabibilang ka sa Diyos, at ikaw ay isang taong namumuhay ayon sa Kanyang mga salita. Handa ka bang tumakas mula sa kapangyarihan ni Satanas at mabuhay sa liwanag ng Diyos? Kung namumuhay ka ayon sa mga salita ng Diyos, magkakaroon ng pagkakataon ang Banal na Espiritu na gampanan ang Kanyang gawain; kung nabubuhay ka sa ilalim ng impluwensya ni Satanas, hindi mo mabibigyan ng gayong pagkakataon ang Banal na Espiritu. Ang gawaing ginagampanan ng Banal na Espiritu sa mga tao, ang liwanag na Kanyang pinasisikat sa kanila, ang tiwalang ibinibigay Niya sa kanila ay tumatagal lamang nang isang saglit; kung ang mga tao ay hindi maingat at hindi nag-uukol ng pansin, lalampasan sila ng gawain ng Banal na Espiritu. Kung namumuhay ang mga tao ayon sa mga salita ng Diyos, sasakanila ang Banal na Espiritu at gagawa sa kanila. Kung ang mga tao ay hindi namumuhay ayon sa mga salita ng Diyos, nabubuhay sila sa mga gapos ni Satanas. Kung nabubuhay ang mga tao na may mga tiwaling disposisyon, wala sa kanila ang presensya o gawain ng Banal na Espiritu. Kung namumuhay ka sa loob ng hangganan ng mga salita ng Diyos, at kung nabubuhay ka sa kalagayang hinihingi ng Diyos, nabibilang ka sa Kanya, at ang Kanyang gawain ay maisasagawa sa iyo; kung hindi ka namumuhay sa loob ng hangganan ng mga hinihingi ng Diyos, kundi sa halip ay nabubuhay ka sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, tiyak na namumuhay ka ayon sa katiwalian ni Satanas. Kapag namuhay ka ayon sa mga salita ng Diyos at ibinigay mo ang iyong puso sa Kanya, saka mo lamang matutugunan ang Kanyang mga hinihingi; kailangan mong gawin ang sinasabi ng Diyos, gawing pundasyon ng iyong pag-iral at realidad ng iyong buhay ang Kanyang mga pahayag; saka ka lamang mapapabilang sa Diyos. Kung talagang nagsasagawa ka alinsunod sa kalooban ng Diyos, gagawa Siya sa iyo at sa gayon ay mabubuhay ka sa ilalim ng Kanyang mga pagpapala, sa liwanag ng Kanyang mukha; mauunawaan mo ang gawaing ginagampanan ng Banal na Espiritu at madarama ang kagalakan ng presensya ng Diyos.
Para matakasan ang impluwensya ng kadiliman, kailangan ka munang maging matapat sa Diyos at magkaroon ng pananabik sa puso mo na hangarin ang katotohanan; saka ka lamang magkakaroon ng tamang kalagayan. Kailangan ka munang mamuhay sa tamang kalagayan para matakasan mo ang impluwensya ng kadiliman. Ang hindi pagkakaroon ng tamang kalagayan ay hindi pagiging matapat sa Diyos, at hindi pagkakaroon ng pananabik sa puso na hanapin ang katotohanan; at huwag nang pag-usapan pa ang pagtakas mula sa impluwensya ng kadiliman. Ang Aking mga salita ang batayan ng pagtakas ng tao mula sa mga impluwensya ng kadiliman, at ang mga taong hindi makapagsagawa alinsunod sa Aking mga salita ay hindi magagawang takasan ang mga gapos ng impluwensya ng kadiliman. Ang mabuhay sa tamang kalagayan ay ang mabuhay sa ilalim ng patnubay ng mga salita ng Diyos, ang mabuhay sa kalagayan ng pagiging matapat sa Diyos, ang mabuhay sa kalagayan ng paghahanap sa katotohanan, ang mabuhay sa realidad ng taos na paggugol ng sarili para sa Diyos, at ang mabuhay sa kalagayan ng tunay na pagmamahal sa Diyos. Yaong mga nabubuhay sa ganitong mga kalagayan at ayon sa realidad na ito ay unti-unting magbabago habang pumapasok sila sa kailaliman ng katotohanan, at magbabago sila habang mas lumalalim ang gawain; at sa huli, tiyak na magiging mga tao sila na nakamit ng Diyos at nagmamahal sa Diyos nang tunay. Yaong mga nakatakas mula sa impluwensya ng kadiliman ay unti-unting matitiyak ang kalooban ng Diyos at unti-unting mauunawaan ito, at kalaunan ay magiging mga pinagkakatiwalaan ng Diyos. Hindi lamang sila hindi nagkikimkim ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos at hindi naghihimagsik laban sa Kanya, kundi mas lalo rin nilang kinamumuhian yaong mga dati nilang kuru-kuro at paghihimagsik, at nagkakaroon sila ng tunay na pagmamahal sa Diyos sa kanilang puso. Ang mga taong hindi magawang tumakas mula sa impluwensya ng kadiliman ay pawang lubos na abala sa laman at puno ng paghihimagsik; ang kanilang puso ay puno ng mga kuru-kuro at pilosopiya ng tao para sa pamumuhay, pati na ng kanilang sariling mga hangarin at pangangatwiran. Ang hinihingi ng Diyos sa tao ay ang tanging pagmamahal nila; hinihiling Niya na maging abala ang tao sa Kanyang mga salita at magkaroon ng pusong puno ng pagmamahal para sa Kanya. Ang mamuhay ayon sa mga salita ng Diyos, saliksikin ang Kanyang mga salita para sa yaong dapat nilang hanapin, mahalin ang Diyos dahil sa Kanyang mga salita, kumilos para sa Kanyang mga salita, mabuhay para sa Kanyang mga salita—ito ang mga mithiing dapat pagsikapang makamtan ng tao. Lahat ay kailangang maitatag sa mga salita ng Diyos; saka lamang magagawang tugunan ng tao ang mga hinihingi ng Diyos. Kung ang tao ay hindi nasasangkapan ng mga salita ng Diyos, isa lamang siyang uod na nalulukuban ni Satanas! Timbangin mo ito: Gaano karaming salita ng Diyos ang nag-ugat na sa iyong kalooban? Aling mga bagay ang ipinamumuhay mo alinsunod sa Kanyang mga salita? Aling mga bagay ang hindi mo naipamumuhay alinsunod sa mga ito? Kung hindi ka pa lubos na napuno ng mga salita ng Diyos, ano ba talaga ang laman ng iyong puso? Sa iyong pang-araw-araw na buhay, kinokontrol ka ba ni Satanas, o puno ka ba ng mga salita ng Diyos? Ang Kanya bang mga salita ang pundasyon ng iyong mga dalangin? Nakalabas ka na ba mula sa iyong negatibong kalagayan sa tulong ng kaliwanagang dulot ng mga salita ng Diyos? Ang gawing pundasyon ng iyong buhay ang mga salita ng Diyos—ito ang dapat pasukin ng lahat. Kung wala ang Kanyang mga salita sa iyong buhay, nabubuhay ka sa ilalim ng impluwensya ng kadiliman, naghihimagsik ka laban sa Diyos, nilalabanan mo Siya, at inilalagay mo sa kahihiyan ang Kanyang pangalan. Ang paniniwala sa Diyos ng gayong mga tao ay puro kalokohan at panggugulo lamang. Gaano kalaking bahagi ng iyong buhay ang naipamuhay mo alinsunod sa Kanyang mga salita? Gaano kalaking bahagi ng iyong buhay ang hindi mo naipamuhay alinsunod sa Kanyang mga salita? Gaano kalaking bahagi ng hinihingi sa iyo ng salita ng Diyos ang natupad na sa iyo? Gaano kalaki ang nawala sa iyo? Nasuri mo na ba nang husto ang mga bagay na ito?
Ang pagtakas mula sa impluwensya ng kadiliman ay nangangailangan ng gawain ng Banal na Espiritu at ng tapat na pakikipagtulungan ng tao. Bakit Ko sinasabi na wala sa tamang landas ang tao? Ang mga taong nasa tamang landas ay makakayang ibigay muna ang kanilang puso sa Diyos. Ito ay isang gawaing nangangailangan ng napakahabang panahon upang mapasok, sapagkat nakasanayan na ng sangkatauhan na mabuhay sa ilalim ng impluwensya ng kadiliman, at nasa ilalim na ng pagkaalipin kay Satanas sa loob ng libu-libong taon. Samakatuwid, ang pagpasok na ito ay hindi magagawa sa loob lamang ng isa o dalawang araw. Binanggit Ko ang bagay na ito ngayon upang maunawaan ng mga tao ang sarili nilang kalagayan; sa sandaling mahiwatigan na ng tao kung ano ang impluwensya ng kadiliman at kung ano ang ibig sabihin ng mabuhay sa liwanag, magiging mas madali na ang pagpasok. Ito ay dahil kailangan mong malaman kung ano ang impluwensya ni Satanas bago ka makatakas mula rito; pagkatapos niyon, saka ka lamang magkakaroon ng paraan para maiwaksi iyon. Tungkol naman sa kung ano ang gagawin pagkatapos, sariling suliranin na iyan ng tao. Pumasok ka sa lahat mula sa isang positibong aspeto, at huwag kang basta maghintay nang balintiyak. Sa ganitong paraan ka lamang makakamit ng Diyos.