51. Nakita Ko na ang Katotohanan ng Pagiging Isang Taong Nagbibigay-lugod sa mga Tao

Ni Nuli, Tsina

Dati’y nagsusumikap akong mabuti sa pagpapanatili ng mga personal na relasyon sa aking pakikisalamuha sa mga kaibigan, pamilya, at mga kapitbahay. Titiisin ko ang anumang bagay at pababayaan ang mga tao na masunod ang gusto nila upang walang makapagsalita ng masama tungkol sa akin. Hindi ako nakikipagtalo kaninuman. Kahit pa napansin ko na may problema ang isang tao, hindi pa rin ako nagsasalita. Paglipas ng panahon, inisip ng lahat na ako’y isang mabuting tao. Patuloy kong ginamit ang pilosopiyang ito para sa pamumuhay sa aking mga gawain at pakikisalamuha sa iba kahit nang ako’y naging isang mananampalataya na. Naalala ko, hindi pa nagtatagal pagkatapos kong magkaroon ng pananampalataya, napansin ko na si Brother Tian, na may pananagutan sa mga pagtitipon ng aming grupo, ay palaging napakabanayad sa kanyang pagsasalita at ang kanyang pagbabahagi ng mga salita ng Diyos ay nakapagbibigay ng kaliwanagan. Kapag may nangyayari sa akin o kaya ay nahihirapan ako, gustong-gusto kong hanapin siya upang tulungan akong lutasin ito, at palagi siyang matiyaga sa pagbabahagi sa akin. Nagkakasundo kami. Parehas kaming naihalal bilang mga pinuno ng iglesia makalipas ang ilang taon, at natuwa akong magkaroon ng pagkakataon na gawin ang aking tungkulin kasama siya. Ngunit pagkalipas ng ilang panahon, napansin ko na si Brother Tian ay hindi talaga nagbubuhat ng pasanin sa kanyang tungkulin, at kapag nagiging negatibo at mahina ang mga kapatid, kunwari lamang niyang gagawin ang kanyang tungkulin at magbibigay ng payak na pagbabahagi. Wala talaga siyang pakialam kung may mangyari man dito o wala. Naisip ko, “Hindi ba siya nagiging pabaya sa kanyang tungkulin? Tiyak na maaantala nito ang pagpasok sa buhay ng mga kapatid. Kailangan kong magbahagi sa kanya. Ngunit sa kabilang banda, mas matagal na niyang ginagawa ang tungkuling ito kaysa sa akin at may karanasan na siya sa gawaing ito. Nagsisimula pa lamang akong gawin ang aking tungkulin bilang isang pinuno. Ano ang iisipin niya tungkol sa akin kapag sinabi ko sa kanyang hindi siya nagtataglay ng pasanin sa kanyang gawain?” Gaya ng sinasabi nila, “Tumatagal at gumaganda ang pagkakaibigan sa pananahimik sa mga kasalanan ng mabubuting kaibigan.” Dahil dito, upang mapanatili ang aming relasyon, nakipag-usap na lamang ako sa kanya at hindi na pinalawak pa ang kanyang mga suliranin.

Sa isa sa mga pagpupulong namin, binanggit ng ilang mga kapatid ang mga kahirapang napagdaanan nila sa pagbabahagi ng ebanghelyo, at umaasang makakatulong kami na lutasin ang kanilang mga suliranin. Kinausap ko si Brother Tian tungkol sa pagtungo naming magkasama, ngunit nagpaumanhin siya at nagsabing hindi niya kalakasan ang gawain ng ebanghelyo, kung kaya’t ayaw niyang sumama. Nagbahagi ako sa kanya, at sinabing nahihirapan ang aming mga kapatid sa kanilang tungkulin, kaya’t kailangan naming gawin ang aming makakaya para tulungan sila, at na hindi namin dapat gawin ang aming tungkulin nang naaayon lamang sa aming mga kagustuhan. Katahimikan ang kanyang naging tugon, kung kaya’t inakala ko na sumasang-ayon siya. Nagulat ako na hindi man lamang siya nagpakita kinabukasan. Bahagya akong nadismaya sa kanya—hindi ba kawalan ng pananagutan bilang pinuno ng iglesia ang tumangging tulungan ang mga kapatid na lutasin ang kanilang mga problema? Alam ko na kailangan ko itong banggitin sa kanya.

Pinuntahan ko si Brother Tian pagkatapos na pagkatapos ng pagtitipon. Habang nasa daan patungo doon ay iniisip ko kung paano magbabahagi sa kanya. Ngunit napakamagiliw niya at palakaibigan noong nakarating ako sa kanyang bahay, at nagsimula akong manahimik. Naisip ko, “Ngiti nang ngiti si Brother Tian at pinaiinom pa ako ng tsaa. Paano ko ito sasabihin sa kanya? Kapag sinabi kong wala siyang pananagutan sa kanyang tungkulin at siya’y nasa mapanganib na kalagayan, hindi ba’t mapapahiya siya? Gaya ng sinasabi nila, ‘Huwag mong pagbuhatan ng kamay ang mukhang nakangiti.’ Palagi kaming nagkakasundo. Paano kami magpapatuloy sa paggawa nang magkasama kung sisirain ko ang aming ugnayan? Palagi kaming nagkikita, kaya’t talagang nakakaasiwa!” Dahil dito, malumanay kong sinabi sa kanya, “Kailangan nating magkaroon ng pakiramdam ng pasanin sa ating mga tungkulin. Hindi natin maaaring gawin ang mga bagay-bagay nang naaayon lamang sa sarili nating mga kagustuhan.” Noong itinungo niya ang kanyang ulo at hindi umimik, inisip kong hindi ko na kailangan pang magsalita. Inisip ko kung paanong halos kasisimula ko pa lamang sa pagiging pinuno ng iglesia at hindi ko pa lubos na alam ang gawain ng iglesia. Maraming mga bagay kung saan kailangan ko ang kanyang tulong, at sang-ayon sa matandang kasabihan, “Huwag mong sunugin ang iyong mga tulay.” Naisip ko na hindi ko siya dapat pahirapan nang husto, kaya’t hindi na ako nagsalita.

Kalaunan, may dumating na mensahe mula sa aming mga pinuno na ipinababatid sa amin ang tungkol sa isang pagpupulong. Napagpasiyahan namin ni Brother Tian na bawat isa sa amin ay ipaaalam ito sa ilang mga kapatid. Tinanong ko siya kung nasabi na niya ang balita nang magkita kami kinabukasan, ngunit sinabi niya, nang walang pagkabahala, na labis siyang naging abala sa ibang mga bagay at nakalimutan niya ito. Dahil sa nakita kong kawalan niya ng pakiramdam, hindi ko napigilang pagsabihan siya. Sabi ko, “Iresponsable ang ganitong paraan ng paggawa mo sa iyong tungkulin at maaaring maantala ang gawain ng iglesia dahil dito.” Nagulat ako nang umasim ang kanyang mukha, kinuha ang kanyang susi, at basta na lamang umalis. Nang makita ang pagkainis niya, hindi na ako nangahas na magsalita sa pangambang masira nang lubusan ang aming relasyon.

Nakita ko na na hindi nagtataglay si Brother Tian ng anumang pasanin sa kanyang tungkulin, na siya’y pabaya, na madalas siyang nagiging sanhi ng pagkaantala, at sa harap ng mga suliranin ay kulang siya sa kaalaman sa sarili. Kapag nagbabahagi ang iba o ipinapakita sa kanya ang mga suliranin tungkol sa kanya, ayaw niya itong tanggapin. Hindi ba nito ipinapakita na siya’y isang huwad na pinuno, na hindi nakakatanggap ng katotohanan o nakakagawa ng praktikal na gawain? Kung mananatili siya sa posisyon bilang isang pinuno, maaantala ang gawain ng iglesia. Alam ko na kailangan kong ipaalam sa mga pinuno ang tungkol sa kanyang mga problema. Ngunit naisip ko kung paanong tiyak na tatabasan at iwawasto siya ng mga pinuno kapag nalaman nila ang lahat ng ito, at malamang ay mawawalan siya ng posisyon. Kapag nalaman ni Brother Tian na ako ang nag-ulat sa kanya, sasabihin niyang wala akong puso, na pinagtaksilan ko ang isang matagal ng kaibigan. Paano ko siya haharapin pagkatapos noon? Hindi ko na alam kung ano ang gagawin ko dahil dito. Pagkatapos ko itong pag-isipan nang mabuti, sa huli’y nagpasya akong ipagpaliban ang pag-uulat tungkol sa kanya. Kalalantad ko lamang ng kanyang mga problema—marahil ay pagninilay-nilayan niya at mauunawaan niya ang kanyang mga problema, at pagkatapos ay magsisisi siya. Matagal na siyang mananampalataya at naging napakaresponsable niya sa kanyang tungkulin dati. Kaya’t nagpasya akong bantayan siya sa loob ng ilang araw pa, at kung hindi pa rin siya magbabago, maaari ko na siyang iulat.

Pagkatapos nito, nagkaroon kami ng isang potensiyal na mahihikayat na may mabuting pagkatao at interesadong pag-aralan ang gawain ng Diyos sa mga huling araw. Ngunit kailangan niyang pumunta sa ibang bayan sa loob ng ilang araw dahil sa kanyang trabaho. Kailangan naming maghanap ng taong magbabahagi ng ebanghelyo sa kanya sa lalong madaling panahon. Pinag-usapan namin ito at napagpasyahang si Brother Tian ang pupunta. Ngunit, hindi inaasahan na nalito siya sa oras at hindi siya nakapunta sa araw na dapat siyang pumunta. Talagang nagalit ako nang malaman ko ito. Maraming beses ko na siyang binalaan, ngunit hindi siya nagbago, at sa pagkakataong iyon, talagang sinira niya ang isang mahalagang bagay. Napag-isip-isip ko na matagal-tagal ko na ring alam na nagwawalang-bahala si Brother Tian sa paggawa ng kanyang tungkulin, at wala siyang pakiramdam ng pananagutan, ngunit naging abala ako sa aming ugnayan. Natakot akong masaktan ang kanyang damdamin, kung kaya’t hindi ko sinabi sa mga pinuno ang tungkol sa kanyang mga problema. Paulit-ulit na naantala ang gawain ng iglesia dahil dito. Hindi ba’t masama ang ginagawa ko? Sumama ang loob ko at napuno ng kahihiyan sa sarili dahil sa isiping ito.

Noong gabing iyon, nanalangin ako sa Diyos, hinihiling sa Kanyang gabayan ako na maunawaan ang sarili kong mga problema. Pagkatapos ay nabasa ko ito sa mga salita ng Diyos: “Karamihan sa mga tao ay nais hanapin at isagawa ang katotohanan, ngunit kadalasan ay may pagpapasiya at hangaring lamang sila na gawin iyon; hindi nila taglay ang buhay ng katotohanan sa loob nila. Dahil dito, kapag nakahaharap sila ng masasamang puwersa o nakatatagpo ng mga taong balakyot na gumagawa ng masasama, o ng mga huwad na pinuno at anticristo na gumagawa ng mga bagay sa isang paraang lumalabag sa mga prinsipyo—sa gayon ay nagdaranas ng mga pagkalugi ang gawain ng tahanan ng Diyos, at napapahamak ang mga taong hinirang ng Diyos—nawawalan ng lakas ng loob ang mga tao na manindigan at magsalita. Ano ang ibig sabihin kapag wala kang lakas ng loob? Ibig bang sabihin niyan ay kimi ka o hindi makapagsalita? O hindi mo ito lubos na nauunawaan, at sa gayon ay wala kang tiwalang magsalita? Hindi sa ganoon; nangyari lamang na kontrolado ka ng iba’t ibang uri ng tiwaling disposisyon. Ang isa sa mga disposisyong ito ay ang pagiging tuso. Inuuna mong isipin ang iyong sarili, na nag-aakalang, ‘Kung magsasalita ako, paano ako makikinabang dito? Kung magsasalita ako at may sumama ang loob, paano kami magkakasundo sa hinaharap?’ Tusong pag-iisip ito, hindi ba? Hindi ba’t bunga ito ng isang tusong disposisyon? Ang isa pa ay makasarili at masamang disposisyon. Iniisip mo, ‘Ano ang kinalaman sa akin ng kawalan ng mga kapakinabangan sa bahay ng Diyos? Bakit ako mag-aalala? Wala itong kinalaman sa akin. Kahit na makita at marinig ko itong mangyari, hindi ko kailangang gumawa ng kahit ano. Hindi ko ito pananagutan—hindi ako pinuno.’ Nasa loob mo ang mga gayong bagay, na tila umusbong mula sa iyong walang malay na isip, at tila ba sumasakop sila ng mga palagiang katayuan sa iyong puso—sila ang mga tiwali at satanikong disposisyon ng tao. Kinokontrol ng mga tiwaling disposisyong ito ang iyong saloobin at itinatali ang iyong mga kamay at paa, at kinokontrol nila ang iyong bibig. Kapag may nais kang sabihin na nasa iyong puso, umaabot sa iyong mga labi ang mga salita ngunit hindi mo binibigkas ang mga ito, o, kung magsalita ka, paliguy-ligoy ang iyong mga salita, na nag-iiwan ng puwang upang makapanlinlang—sadyang hindi ka talaga nagsasalita nang malinaw. Walang naramdaman ang iba pagkatapos kang marinig, at ang suliranin ay hindi nalutas ng sinabi mo. Iniisip mo sa iyong sarili: ‘Nagsalita naman ako. Maalwan ang aking budhi. Natupad ko ang aking tungkulin.’ Ang totoo, alam mo sa iyong puso na hindi mo sinabi ang lahat ng dapat mong sabihin, na ang sinabi mo ay walang bisa, at nananatili ang pinsala sa gawain sa bahay ng Diyos. Hindi mo natupad ang iyong tungkulin, ngunit lantaran mong sinasabi na natupad mo ang iyong tungkulin, o hindi sa iyo malinaw ang nangyayari. Hindi ka ba ganap na nasasailalim ng kontrol ng iyong tiwali at mga satanikong disposisyon kung gayon?(“Yaon Lamang Mga Nagsasagawa ng Katotohanan ang May Takot sa Diyos” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Ang bawat isa sa mga salita ng Diyos ay tumama sa akin na parang kidlat, para bang harap-harapan akong nasa harap Niya habang hinahatulan at inilalantad Niya ako. Labis akong nakonsiyensiya. Napakalinaw kong nakita na si Brother Tian ay hindi nagtataglay ng pasanin sa kanyang tungkulin at naantala ang gawain ng iglesia dahil dito, ngunit umakto lamang ako bilang mabait na tao upang ingatan ang aking relasyon sa kanya, nagbubulag-bulagan. Nakaipon ako ng katapangan upang sabihin sa kanya ang kanyang mga problema, ngunit maging noong panahon na iyon ay pinigilan ko ang aking sarili, hindi nangahas na magsalita tungkol sa diwa at sa masasamang kahihinatnan ng kanyang mga pagkilos. At nilinlang ko ang aking sarili sa isiping isinasagawa ko ang katotohanan. Nakita ko ang kasamaang magagawa ng isang huwad na pinuno sa gawain ng bahay ng Diyos, ngunit para sa kapakanan ng pag-iingat sa sarili, hindi ko siya inilantad at iniulat. Mas handa akong mapasama ang loob ng Diyos kaysa mapasama ang loob ng isang tao. Ginagawa akong kampon ni Satanas ng ganitong pagkilos, nakatayo sa tabi ng isang huwad na pinuno, naglulublob sa putikan kasama niya, inaantala ang gawain ng iglesia. Ito’y kamuhi-muhi at nakakainis sa Diyos. Itinaas ako ng Diyos, pinahihintulutan akong tanggapin ang tungkulin ng isang pinuno ng iglesia sa pag-asang magbabahagi ako ng katotohanan, lulutas ng mga suliranin ng mga kapatid, at itataguyod ang gawain ng iglesia. Ngunit sa halip, iningatan ko lamang ang aking mga personal na relasyon at pinangalagaan ang isang huwad na pinuno habang sinisira niya ang gawain ng iglesia. Nakita ko na ako’y lubhang kulang sa debosyon sa aking gawain. Hindi lamang ako nabigong magsagawa ng katotohanan, kundi nakagawa pa ako ng kasalanan. Nabigo ko ang mga maingat na pagsisikap ng Diyos. Sa huli’y nakita ko na ang mga nagbibigay-lugod sa mga tao ay hindi talaga mabubuting tao, bagkus sila’y makasarili at tuso. Nakakainis para sa akin na maunawaan ito, at napakasama ng pagtingin ko sa aking sarili. Alam ko na hindi na ako maaaring maging isang nagbibigay-lugod sa mga tao, bagkus kailangan kong magsagawa ng katotohanan at ilantad si Brother Tian sa hindi niya paggawa ng praktikal na gawain. Kailangang sabihin ko sa mga pinuno ang katotohanan tungkol sa kanyang mga problema at huwag na siyang pagtakpan.

Noong gabi ding iyon, sumulat ako sa mga pinuno tungkol sa pagganap ni Brother Tian. Nakadama ako ng kaluwagan at kapayapaan noong matapos ko ang sulat, at naramdaman kong nagsimula na akong magkaroon ng pakiramdam ng katarungan, na hindi na ako kasing sama at kasuklam-suklam gaya ng dati. Gaya ng sinasabi ng Diyos: “Kung kaya mong tuparin ang iyong mga responsibilidad, gampanan ang iyong mga obligasyon at tungkulin, isantabi ang iyong mga makasariling hangarin, isantabi ang sarili mong mga layon at motibo, mayroon kang konsiderasyon sa kalooban ng Diyos, at inuuna mo ang mga interes Niya at ng Kanyang sambahayan, kung gayon pagkaraang danasin ito sa sandaling panahon, madarama mo na maganda ang ganitong pamumuhay. Ito ay pamumuhay nang prangka at tapat, nang hindi nagiging isang hamak at walang-silbing tao, at pamumuhay na makatarungan at marangal kaysa pagiging makitid ang utak o salbahe. Madarama mo na ganyan dapat mamuhay at kumilos ang isang tao. Unti-unti, mababawasan ang hangarin sa puso mo na bigyang-kasiyahan ang sarili mong mga interes(“Ipagkaloob ang Iyong Tunay na Puso sa Diyos, at Makakamit Mo ang Katotohanan” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Nang makita ko si Brother Tian kinabukasan, nagbahagi ako sa kanya, sinusuri ang mga suliranin sa kanyang tungkulin, at nangusap ako tungkol sa kalikasan at kahahantungan ng pagiging napakapabaya at kakulangan ng interes sa gawain. Pagkatapos na mapakinggan ang sinabi ko, tinanggap nga niya na mayroon siyang problema. Kalaunan ay napagkasunduan ng aming mga pinuno sa pamamagitan ng kanyang pangkalahatang pagganap na hindi siya gumawa ng praktikal na gawain at siya’y isang huwad na pinuno, at siya’y natanggal. Bagama’t nawalan siya ng posisyon, mayroon pa rin akong hindi maipagkakailang pananagutan sa kasiraang ginawa niya sa gawain ng iglesia. Isinumpa ko sa aking sarili na hindi na ako muling magiging isang nagbibigay-lugod sa mga tao, na hindi na ako magiging hadlang sa gawain ng iglesia.

Hindi katagalan, nagsimula akong gumawa kasama si Brother Li na naging isang pinuno ng iglesia. Nagbahagi kami at pinag-usapan ang anumang kahirapan na nararanasan namin sa aming gawain. Noong ako’y nasa masamang kalagayan, tinulungan niya ako sa pamamagitan ng pagbabahagi. Nagkasundo kaming mabuti. Ngunit pagkalipas ng ilang panahon, naging malinaw sa akin na hindi gumagawa ng praktikal na gawain si Brother Li. Sa mga pagpupulong, ginagampanan lamang niya ang gawain nang walang interes, at hindi niya nilulutas ang mga totoong kahirapan ng mga kapatid. Napagtanto kong si Brother Li ay hindi responsable, at kailangan kong magbahagi sa kanya. Pagkalipas ng ilang panahon, inungkat ko sa kanya ang suliraning ito at inilantad ang kalikasan at mga kahihinatnan ng paraan niya ng paggawa sa kanyang tungkulin.

Napansin ko na bagama’t ilang panahon na ang nakalipas, hindi pa rin binabago ni Brother Li ang kanyang saloobin sa kanyang tungkulin, at higit pa rito, palagi siyang naghahangad ng pagkilala at katayuan. Kapag wala siyang anumang nakamit sa kanyang gawain at hindi nakukuha ang paghanga ng iba, nagiging negatibo siya at hindi pinapansin ang gawain ng iglesia. Nagtungo ako upang magbahaging muli sa kanya at hilingan siyang magnilay-nilay at sikaping maunawaan ang kanyang mga motibo sa kanyang tungkulin. Noong panahong iyon, inamin niya na ang kanyang pananaw sa kanyang paghahangad ay lisya, ngunit pagkatapos nito hindi pa rin nagbago ang kanyang kalagayan. Napagtanto kong kapag nagpatuloy siya sa tungkuling iyon ay makakasama ito sa gawain ng iglesia, kaya’t nagpasya akong ipaalam sa mga pinuno. Ngunit sa sandaling hinawakan ko ang aking panulat at naghandang isulat ang aking liham, naisip ko, “Kapag nalaman ng mga pinuno ang tungkol sa ginagawa ni Brother Li, tiyak na kikilos sila ayon sa mga prinsipyo at aalisin siya. Napakataas ng pagpapahalaga ni Brother Li sa kanyang reputasyon—hindi ba niya ako kaiinisan kapag siya’y natanggal? Noong nagsimula ako sa aking tungkulin, palagi siyang nagbabahagi at tinutulungan ako, kaya’t kung iuulat ko ang kanyang mga problema ngayon, hindi ba niya iisipin na wala akong puso? Paano ko siya haharapin pagkatapos niyon?” Pagkatapos, napagtanto kong ako’y malapit na namang maging isang nagbibigay-lugod sa mga tao at hindi ko itinataguyod ang gawain ng bahay ng Diyos. Bahagya akong nakonsiyensiya dahil dito, kaya’t agad akong nanalangin: “O Diyos, nakita ko ang mga suliranin ni Brother Li at nais ko pong iulat ang mga ito, ngunit ako’y nangangambang galitin siya. Alam ko ang katotohanan ngunit hindi ko ito maisagawa. Hindi iyon pagtataguyod sa gawain ng bahay ng Diyos. O Diyos, gabayan Mo po akong makilala ang aking sarili upang ako’y makapagsisi at magbago.”

Nabasa ko ito sa mga salita ng Diyos pagkatapos ng aking panalangin: “Ginagawang tiwali ni Satanas ang mga tao sa pamamagitan ng edukasyon at impluwensiya ng mga pambansang pamahalaan at ng mga sikat at dakila. Ang kanilang mga malademonyong salita ay naging buhay kalikasan na ng tao. Ang ‘Bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba’ ay isang sikat na satanikong kasabihan na naikintal na sa lahat at iyan ay naging buhay na ng tao. May iba pang salita ng pilosopiya para sa pamumuhay na katulad rin nito. Ginagamit ni Satanas ang mainam na tradisyunal na kultura ng bawa’t bayan para turuan ang mga tao, nagsasanhi sa sangkatauhan na mahulog at masadlak sa isang walang-hanggang bangin ng pagkawasak, at sa huli ay winawasak ng Diyos ang tao dahil naglilingkod sila kay Satanas at nilalabanan ang Diyos. … Marami pa ring satanikong lason sa buhay ng mga tao, sa kanilang pag-uugali at asal; halos wala man lamang silang taglay na katotohanan. Halimbawa, ang mga pilosopiya nila sa pamumuhay, ang kanilang mga paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay, at kanilang mga kasabihan ay pawang puno ng mga lason ng malaking pulang dragon, at lahat ng ito ay galing kay Satanas. Kaya, lahat ng dumadaloy sa mga buto at dugo ng mga tao ay pawang kay Satanas. … Labis nang nagawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan. Ang kamandag ni Satanas ay dumadaloy sa dugo ng bawat tao, at makikita na ang kalikasan ng tao ay tiwali, masama, at radikal, puno ng at lubos na nakalubog sa mga pilosopiya ni Satanas—ito, sa kabuuan nito, ay isang likas na pagkatao na nagtataksil sa Diyos. Ito ang dahilan kaya nilalabanan at sinasalungat ng mga tao ang Diyos(“Paano Malalaman ang Kalikasan ng Tao” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw).

Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang aking pagiging isang nagbibigay-lugod sa mga tao ay nag-uugat sa pagiging makasarili, kasuklam-suklam, baluktot, at tuso. Palagi kong inuuna ang sarili kong interes sa lahat ng bagay. Nabuhay ako sa pamamagitan ng mga satanikong batas para mabuhay at mga pananaw na gaya ng “Ang bawat tao para sa kanyang sarili, bahala na ang iba,” “Tumatagal at gumaganda ang pagkakaibigan sa pananahimik sa mga kasalanan ng mabubuting kaibigan,” “Mag-isip bago magsalita at magsalita nang may pagtitimpi,” at “Huwag kailanman sampalin sa mukha ang ibang tao o pagalitan sila sa kanilang pagkukulang.” Pinanatili kong nakatikom ang aking bibig tungkol sa mga problema ng ibang tao, sinuman ang pinakikitunguhan ko, dahil iniisip ko na mapapamahal ako sa iba, na magugustuhan nila ako. Iningatan ko ang aking mga relasyon sa bawat pagkakataon; iningatan ko ang pagtingin nila sa akin. Ang sarili kong mga motibo at adulterasyon ay nakahalo sa lahat ng aking ginagawa, gayon din ang mga tusong pakana ni Satanas. Alam ko na hindi nakakadama ng anumang pananagutan sa kanyang tungkulin si Brother Tian at paulit-ulit niyang ginagambala at inaantala ang gawain ng iglesia, ngunit hindi ko pa rin binusisi ang kanyang suliranin o iniulat ito sa aming mga pinuno, sa takot na masaktan ang kanyang damdamin at umaasang mapanatili ang pagtingin niya sa akin. Nakasira ito sa gawain ng iglesia. At kamakailan lamang, nakita ko na nakatuon lamang si Brother Li sa paghahangad ng pagkilala at katayuan sa kanyang tungkulin at hindi siya nagtaglay ng anumang pananagutan sa gawain ng iglesia. Alam ko rin na wala siyang totoong pag-unawa sa kanyang sarili, na hindi siya angkop para sa posisyong iyon at kailangan kong sabihin agad sa mga pinuno upang maingatan ang gawain ng bahay ng Diyos. Gayunpaman, nag-alala akong kamumuhian niya ako at makokompromiso ang aking sariling interes at reputasyon, kaya’t nais kong tanggaping muli ang papel ng isang nagbibigay-lugod sa mga tao. Napagtanto kong sa bawat pagkakataon ay namumuhay ako sa pamamagitan ng mga satanikong pilosopiya sa buhay, inuuna ang sarili kong interes at reputasyon sa lahat ng bagay na hindi na isinasaalang-alang ang gawain ng iglesia. Tunay akong makasarili at kasuklam-suklam. Nakita ko na nangyari ang lahat ng ito dahil nabubuhay ako bilang isang nagbibigay-lugod sa mga tao batay sa mga satanikong pilosopiya sa buhay.

Iniisip ko dati na ang pakikipagkasundo sa bawat tao at hindi kailanman pananakit sa damdamin ninuman ay ginagawa akong mabuting tao. Ngunit pinakita sa akin ng realidad na bagama’t tila hindi nananakit ng kapwa ang mga nagbibigay-lugod sa mga tao, kapag may nakita silang nabubuhay sa loob ng kanyang tiwaling disposisyon, sinasaktan ni Satanas at sinisira ang mga interes ng iglesia, ang tangi nilang pinagmamalasakitan ay ang ingatan ang sarili nilang mga interes at personal na relasyon. Hindi nila kayang tumayo sa panig ng katotohanan upang tulungan at suportahan ang mga kapatid, at itaguyod ang gawain ng iglesia. Maaaring maging tila mabubuting tao na patas at maunawain ang mga nagbibigay-lugod sa mga tao, ngunit ang lahat ng ito ay panlabas lamang. Sa kaibuturan ng kanilang mga puso, iniisip lamang nila ang sarili nilang interes. Tumitingin pa sila ng tuwid nang walang pagdadalawang-isip habang nasisira ang gawain ng iglesia at naaantala ang pagsulong sa buhay ng mga kapatid. Hinahangad nila ang pansariling pakinabang sa kabila ng kapinsalaan ng iba. Nasaan ang pagkatao roon? Malinaw na sila’y mga mapagpaimbabaw na madulas, mapandaya, masama at kasuklam-suklam. Labis akong nahiya nang mapagtanto ko ito. Tinatamasa ko ang lahat ng nagmumula sa Diyos, ngunit noong naharap ako sa isang problema, tumayo ako sa panig ni Satanas bilang isang nagbibigay-lugod sa mga tao. Paano iyon naging paggawa sa aking tungkulin? Pinapaboran ko ang kaaway at kinakagat ang kamay ng nagpakain sa akin. Isa ako sa mga kampon ni Satanas, na ginagambala ang gawain ng iglesia, gumagawa ng masama at nilalabanan ang Diyos!

Nakakatakot talaga para sa akin ang napagtanto kong ito. Agad akong lumapit sa harapan ng Diyos sa panalangin: “O Diyos, napakarami kong nagawang kasamaan. Napakatagal ko nang naging karapat-dapat sa Iyong kaparusahan, ngunit binibigyan Mo pa rin ako ng pagkakataong gawin ang aking tungkulin. Nagpapasalamat ako para sa Iyong awa. O Diyos, nais ko pong magsisi. Gabayan po Ninyo ako at pangunahan ako upang mahanap ko ang landas ng pagsasagawa.”

Pagkatapos ay nabasa ko ito sa mga salita ng Diyos: “Kapag ang katotohanan ay naghahari sa iyong puso at naging buhay mo na, pagkatapos, kapag nakakita ka ng isang bagay na pasibo, negatibo, o masama na bumabangon, ang reaksiyon sa iyong puso ay ganap na naiiba. Una, nakararamdam ka ng pagsisisi at pagkabalisa, na kaagad susundan ng ganitong pakiramdam: ‘Hindi maaaring manatili na lamang akong walang ginagawa at magbulag-bulagan. Dapat akong manindigan at magsalita, dapat akong manindigan at tanggapin ang pananagutan.’ Sa gayon ay maaari kang manindigan at pahintuin ang masasamang gawaing ito, inilalantad ang mga ito, pinagsisikapang ingatan ang mga interes ng tahanan ng Diyos at maiwasang magambala ang gawain ng Diyos. Hindi ka lamang magkakaroon ng ganitong tapang at pagpapasya, at magagawa mong maunawaan nang lubusan ang pangyayari, kundi matutupad mo rin ang pananagutan na dapat mong pasanin para sa gawain ng Diyos at para sa mga kapakinabangan ng Kanyang tahanan, at ang iyong tungkulin ay matutupad. Paano ito matutupad? Matutupad ito sa pamamagitan ng pagbubuhos ng katotohanan ng bisa nito sa iyo at pagiging buhay mo(“Yaon Lamang Mga Nagsasagawa ng Katotohanan ang May Takot sa Diyos” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). “Sa iglesia, maging matatag kayo sa inyong patotoo sa Akin, panindigan ang katotohanan; ang tama ay tama at ang mali ay mali. Huwag malito sa kung alin ang itim at puti. Makikipagdigma kayo kay Satanas at dapat ninyong lubusang magapi ito upang sa gayon ay hindi na ito kailanman babangon. Dapat ninyong ibigay ang lahat ng mayroon kayo upang pangalagaan ang Aking patotoo. Ito ang magiging layunin ng inyong mga pagkilos—huwag kalimutan ito(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 41). Ang pagbabasa ng mga salita ng Diyos ay nakatulong sa aking maunawaan na sa aking tungkulin, kailangan kong pagmalasakitan ang kalooban ng Diyos at palaging unahin ang mga interes ng iglesia. Kung may matuklasan akong anumang lumalabag sa mga prinsipyo ng katotohanan, hindi ko maaaring ingatan ang aking mga relasyon dahil sa sentimentalidad at bantayan ang aking mga personal na interes, sa halip kailangan kong maglakas-loob na ilantad ang mga negatibong bagay, gawin ang mga bagay-bagay na nakaayon sa mga prinsipyo, at itaguyod ang gawain ng bahay ng Diyos. Ito ang tanging paraan para matupad ko ang aking tungkulin at mga pananagutan. Si Brother Li ay isang pinuno ng iglesia, kaya’t kapag nakakita ako ng mga problema sa kanyang paggawa sa kanyang tungkulin ngunit hindi ito inilabas, hindi lamang ito makakasama sa gawain ng bahay ng Diyos, kundi makakasama rin ito kay Brother Li. Alam ko na anuman ang isipin niya tungkol sa akin o kung paano man niya ako itatrato pagkatapos niyon, kailangan kong itaguyod ang katotohanan at iulat ang kanyang mga suliranin. Habang naghahanda akong isulat ang liham na iyon, isinaayos ng mga pinuno ang isang pagpupulong para sa amin. Sa pagpupulong na iyon, ibinahagi ko ang lahat tungkol sa pagganap ni Brother Li. Pagkatapos na matiyak ng mga pinuno ang lahat ng ito kinabukasan at nakumpirmang hindi nakakagawa ng praktikal na gawain si Brother Li, tinanggal siya sa kanyang tungkulin. Lumuwag ang aking damdamin at nagkaroon ako ng kapayapaan sa paggawa nito.

Dati’y hindi ko kilala ang aking sarili. Palagi akong nagbibigay-lugod sa mga tao at nabubuhay sa pamamagitan ng mga satanikong pilosopiya sa lahat ng bagay. Iningatan ko ang sarili kong mga interes, natakot na magkamali at masira ang aking mga relasyon sa kapwa. Nanahimik ako kahit na alam kong gumagawa ng mali ang iba. Hindi ko naitaguyod ang mga prinsipyo ng katotohanan, at hindi ko iningatan ang mga interes ng bahay ng Diyos. Nabubuhay ako nang walang anumang dignidad o integridad. Sa pamamagitan ng pagbitiw sa aking mga makasariling pagnanasa, pagkakaroon ng pusong may paggalang sa Diyos sa aking tungkulin, at pagkapit sa mga prinsipyo at pag-iingat sa gawain ng bahay ng Diyos, nakakadama na ako ngayon ng lubos na kapayapaan. Nadarama kong ito lamang ang tanging paraan na mamuhay na kawangis ng tao. Nagpapasalamat ako sa pagliligtas ng Diyos!

Sinundan: 50. Ang Nasa Likod ng Isang “Magandang Imahe”

Sumunod: 52. Paalam, Mapagpasaya ng Mga Tao!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

88. Ang Hirap ng Kulungan

Ni Xiao Fan, TsinaIsang araw noong Mayo 2004, dumadalo ako sa isang pagtitipon kasama ng ilang kapatid nang biglang pumasok ang mahigit 20...

45. Pamumuhay sa Harap ng Diyos

Ni Yongsui, South KoreaSabi ng Makapangyarihang Diyos, “Upang makapasok sa realidad, kailangang ibaling ng isang tao ang lahat sa tunay na...

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito