Mga Salita sa Pagkilala sa Sarili
Sipi 42
Ang susi sa pagkakamit ng pagbabago sa disposisyon ay ang malaman ng isang tao ang kanyang sariling kalikasan, at kailangang mangyari ito alinsunod sa mga paglalantad mula sa Diyos. Sa salita lamang ng Diyos malalaman ng isang tao ang sarili niyang kasuklam-suklam na kalikasan, makikilala sa sarili niyang kalikasan ang iba’t ibang lason ni Satanas, matatanto na siya ay hangal at mangmang, at matutukoy ang mahihina at mga negatibong elemento sa kanyang kalikasan. Pagkatapos malaman nang lubusan ang mga ito, at talagang nagagawa mong kamuhian ang sarili mo at maghimagsik laban sa laman, palaging isagawa ang salita ng Diyos, palaging hangarin ang katotohanan habang ginagampanan ang iyong mga tungkulin, makamit ang pagbabago sa iyong disposisyon, at maging isang taong tunay na nagmamahal sa Diyos, nasimulan mo nang tumahak sa landas ni Pedro. Kung wala ang biyaya ng Diyos, kung wala ang kaliwanagan at patnubay mula sa Banal na Espiritu, magiging mahirap tahakin ang landas na ito, dahil hindi taglay ng mga tao ang katotohanan at hindi nila magawang maghimagsik laban sa kanilang sarili. Ang pagtahak sa landas ng pagiging perpekto ni Pedro ay nakasalalay una sa lahat sa pagkakaroon ng pagpapasiya, pagkakaroon ng pananampalataya, at pagtitiwala sa Diyos. Bukod dito, kailangang magpasakop ang tao sa gawain ng Banal na Espiritu; sa lahat ng bagay, hindi makakaraos ang tao nang wala ang mga salita ng Diyos. Ito ang mga pangunahing aspeto, at wala ni isa rito ang maaaring labagin. Sa gitna ng karanasan, napakahirap na kilalanin ang sarili; kung wala ang gawain ng Banal na Espiritu, wala itong saysay. Para matahak ang landas ni Pedro, kailangang magtuon ang tao sa pagkilala sa kanyang sarili at sa pagbabago ng kanyang disposisyon. Ang landas ni Pablo ay hindi paghahangad sa buhay o pagtutuon sa pagkilala sa sarili; nakatuon siya lalo na sa paggawa ng gawain at sa impluwensya at bilis ng pagsulong nito. Ang kanyang motibasyon ay magtamo ng mga pagpapala kapalit ng kanyang gawain at paghihirap, at makatanggap ng mga gantimpala mula sa Diyos. Ang motibasyong ito ay mali. Hindi nagtuon si Pablo sa buhay, ni hindi niya pinahalagahan ang pagkakamit ng pagbabago ng disposisyon; nagtuon lamang siya sa mga gantimpala. Dahil mali ang kanyang mga layunin, ang landas na kanyang tinahak, mangyari pa, ay mali rin. Dahil ito sa kanyang likas na kayabangan at kahambugan. Malinaw, walang taglay na katotohanan si Pablo, ni wala siyang konsiyensya o katwiran. Sa pagliligtas at pagbabago sa tao, binabago ng Diyos una sa lahat ang kanilang disposisyon. Ang layunin ng Kanyang mga salita ay upang makamtan sa mga tao ang resulta ng pagtataglay ng nagbagong mga disposisyon at ng kakayahang makilala ang Diyos, magpasakop sa Kanya, at sambahin Siya sa normal na paraan. Ito ang layunin ng mga salita ng Diyos at ng Kanyang gawain. Ang paraan ni Pablo sa paghahanap ay direktang lumalabag, at salungat, sa mga layunin ng Diyos; lubos itong sumalungat sa mga ito. Gayunman, ang paraan ng paghahanap ni Pedro ay ganap na naaayon sa mga layunin ng Diyos: tumuon siya sa buhay, at sa mga pagbabago sa disposisyon, na mismong resultang hinahangad ng Diyos na makamtan sa mga tao sa Kanyang gawain. Ang landas ni Pedro kung gayon ay pinagpala at sinasang-ayunan ng Diyos. Dahil ang landas ni Pablo ay salungat sa mga layunin ng Diyos, kinamumuhian at isinusumpa ito ng Diyos. Para matahak ang landas ni Pedro, kailangang malaman ng tao ang mga layunin ng Diyos. Kung talagang lubos na nauunawaan ng isang tao ang Kanyang mga layunin sa pamamagitan ng Kanyang mga Salita—na nangangahulugan ng pag-unawa sa nais ng Diyos na gawin sa tao at, sa huli, kung ano ang resultang nais Niyang makamit—saka lamang magkakaroon ng tumpak na pag-unawa ang tao kung aling landas ang susundan. Kung hindi mo lubos na nauunawaan ang landas ni Pedro, at hangad mo lamang na sundan ito, hindi mo magagawang simulan iyon. Sa madaling salita, maaaring marami kang alam na doktrina, ngunit sa huli ay hindi mo magagawang pumasok sa realidad. Bagama’t maaari kang gumawa ng mababaw na pagpasok, wala kang makakamtang anumang tunay na resulta.
Sa mga panahong ito, halos lahat ng tao ay may napakababaw na pagkaunawa sa kanilang sarili. Ni hindi man lang nila nalalaman nang malinaw ang mga bagay na bahagi ng kanilang likas na pagkatao. Alam lamang nila ang ilan sa tiwaling kalagayan na ibinubunyag nila, ang mga bagay na malamang na gagawin nila, o ang ilan sa kanilang mga pagkukulang, at pinaniniwala sila ng mga ito na kilala nila ang kanilang sarili. Bukod pa riyan, kung sumusunod sila sa ilang regulasyon, tinitiyak nila na hindi sila nagkakamali sa ilang aspeto, at nagagawa nilang umiwas na makagawa ng ilang paglabag, pagkatapos ay itinuturing nila ang kanilang sarili na nagtataglay ng realidad sa kanilang pananalig sa Diyos at ipinapalagay na sila ay maliligtas. Ganap na imahinasyon ito ng tao. Kung sumusunod ka sa mga bagay na iyon, talaga bang mapipigilan mong gumawa ng anumang mga paglabag? Tunay na bang nagbago ang iyong disposisyon? Talaga bang namumuhay ka nang tulad ng isang tao? Tunay mo bang mapapalugod ang Diyos sa gayong paraan? Siguradong hindi, tiyak iyan. Gumagana lamang ang pananalig sa Diyos kapag mataas ang mga pamantayan ng isang tao at natamo na ang katotohanan at kaunting pagbabago sa disposisyon sa buhay. Nangangailangan muna ito ng dedikasyon sa pagkilala sa sarili. Kung napakababaw ng kaalaman ng mga tao tungkol sa kanilang sarili, makikita nila na imposibleng lutasin ang mga problema, at talagang hindi magbabago ang kanilang disposisyon sa buhay. Kailangang makilala nang malalim ng isang tao ang kanyang sarili, na ibig sabihi’y malaman ng isang tao ang kanyang sariling likas na pagkatao: anong mga elemento ang kasama sa pagkataong iyon, paano nagsimula ang mga bagay na ito, at saan nanggaling ang mga ito. Bukod pa riyan, talaga bang nagagawa mong kamuhian ang mga bagay na ito? Nakita mo na ba ang sarili mong pangit na kaluluwa at buktot na kalikasan? Kung talagang nagagawa mong makita ang katotohanan tungkol sa iyong sarili, mamumuhi ka sa iyong sarili. Kapag kinamumuhian mo ang iyong sarili at pagkatapos ay isinasagawa mo ang salita ng Diyos, magagawa mong maghimagsik laban sa laman at magkakaroon ka ng lakas na isagawa ang katotohanan nang hindi naniniwala na mahirap ito. Bakit maraming taong sumusunod sa kagustuhan ng kanilang laman? Dahil itinuturing nila ang kanilang sarili na mahusay, na nadarama na tama at makatwiran ang kanilang ikinikilos, na wala silang kamalian, at na talaga ngang tama sila, samakatuwid ay maaari silang kumilos na ipinapalagay na nasa panig nila ang katarungan. Kapag kinikilala ng isa kung ano ang tunay niyang kalikasan—gaano kapangit, gaano kasuklam-suklam, at gaano kaawa-awa—hindi na niya ipinagmamalaki nang labis ang kaniyang sarili, hindi na masyadong mapagmataas, at hindi na gaanong nasisiyahan sa kaniyang sarili tulad ng dati. Nararamdaman ng gayong tao, “Kailangan kong maging masigasig at praktikal sa pagsasagawa ng ilan sa mga salita ng Diyos. Kung hindi, ako ay hindi aabot sa pamantayan ng pagiging tao, at mahihiyang mamuhay sa harapan ng Diyos.” Nakikita niyang tunay ang sarili bilang napakahamak, bilang totoong walang halaga. Sa pagkakataong ito ay nagiging madali para sa isa na isakatuparan ang katotohanan, at ang isa ay mas magmumukhang katulad ng kung ano dapat ang isang tao. Kapag tunay na kinamumuhian ng mga tao ang kanilang sarili, saka lang nila nagagawang maghimagsik laban sa laman. Kung hindi nila kinamumuhian ang kanilang sarili, hindi nila magagawang maghimagsik laban sa laman. Ang tunay na pagkamuhi sa sarili ay hindi isang simpleng bagay. Mayroong ilang bagay na dapat matagpuan sa kanila: Una, pagkaalam sa sariling likas na pagkatao; at pangalawa, pagkakita sa sarili na nangangailangan at kaawa-awa, pagkakita sa sarili na napakahamak at walang kabuluhan, at pagkakita sa sariling kaawa-awa at maruming kaluluwa. Kapag lubos na nakikita ng isang tao kung ano siya talaga, at ito ang kinahinatnan, talagang nagtatamo siya ng kaalaman tungkol sa sarili, at masasabi na lubos na niyang nakilala ang kanyang sarili. Saka lamang niya talaga maaaring kamuhian ang kanyang sarili, hanggang sa isumpa niya ang kanyang sarili, at talagang madama niya na labis siyang nagawang tiwali ni Satanas kaya ni hindi siya mukhang tao. Sa gayon, balang araw, kapag lumitaw ang panganib ng kamatayan, iisipin ng taong iyon, “Ito ang matuwid na parusa ng Diyos. Tunay ngang matuwid ang Diyos; dapat talaga akong mamatay!” Sa puntong ito, hindi siya magrereklamo, lalo nang hindi niya sisisihin ang Diyos, nadarama lamang na siya ay talagang nangangailangan at kaawa-awa, napakarumi at napakatiwali kaya dapat siyang itiwalag at wasakin ng Diyos, at ang isang kaluluwang katulad ng sa kanya ay hindi nababagay na mabuhay sa lupa. Samakatuwid, hindi irereklamo o lalabanan ng taong ito ang Diyos, lalo nang hindi siya magtataksil sa Diyos. Kung hindi nakikilala ng isang tao ang kanyang sarili, at itinuturing pa rin ang sarili niya na mahusay, iisipin ng taong ito kapag malapit na siyang mamatay, “Napakabuti ng nagawa ko sa aking pananampalataya. Talagang nagsumikap ako sa paghahanap! Napakarami kong naibigay, nagdusa ako nang todo, subalit sa huli, hinihingi sa akin ngayon ng Diyos na mamatay ako. Hindi ko alam kung nasaan ang katuwiran ng Diyos. Bakit Niya hinihingi sa aking mamatay ako? Kung kailangan kong mamatay, sino na lang ang maliligtas? Hindi ba magwawakas ang lahi ng tao?” Una sa lahat, ang taong ito ay may mga kuru-kuro tungkol sa Diyos. Pangalawa, ang taong ito ay nagrereklamo, at hindi nagpapakita ng anumang pagpapasakop. Katulad lang siya ni Pablo: Noong malapit na siyang mamatay, hindi niya kilala ang kanyang sarili, at noong malapit na ang parusa ng Diyos, huli na ang lahat.
Sipi 43
Bagaman sa mga pagtitipon ay madalas na nagbabahaginan ng katotohanan, naghihimay-himay ng mga tiwaling disposisyon ng mga tao, pinag-uusapan ang tungkol sa pagkilala sa sarili, at nagtatalakayan tungkol sa iba’t ibang kalagayan at pag-uugali ng mga tao, marami pa ring tao sa kasalukuyan ang hindi nakaaalam sa kanilang sariling tiwaling disposisyon. May ilang tao na inaamin lang na mayroon silang tiwaling disposisyon, subalit hindi nila alam kapag naibubunyag nila ito. May ilang tao na may kakayahang makaarok, at kapag binabasa nila ang mga salita ng Diyos, tinatanggap nila na ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan at na praktikal ang Kanyang sinasabi. Gayunpaman, kapag may nangyayari na sa kanila, nagiging mababaw ang kanilang pang-unawa. Palagi silang naniniwala na maayos pa rin ang kalagayan nila, na mabuti pa rin silang tao, at bagaman naniniwala silang may kaunti silang tiwaling disposisyon, pinapangkat pa rin nila ang sarili nila sa mabubuting tao. Hindi nila alam ang kalikasan ng kanilang tiwaling disposisyon o kung ano ang mga kahihinatnang idudulot nito. Pagkilala ba talaga ito sa sarili? Pagkatapos manalig ng mga tao sa Diyos sa loob ng ilang taon, sa pamamagitan ng pagbabasa ng Kanyang mga salita, pakikinig sa mga sermon at pakikipagbahaginan, gayundin ang mapungusan, sa wakas ay nakikita na ng karamihan sa kanila nang malinaw na hindi mabuti ang kanilang pagkatao, at na mayroon talaga silang tiwaling disposisyon at makagagawa ng mga bagay-bagay na lumalabag sa katotohanan at kumokontra sa Diyos. Gayunpaman, maraming tao ang hindi talaga nakakikilala rito; inaamin lang nila nang pasalita na sila ay mga diyablo, na sila ay mga Satanas, at na dapat silang isumpa. Praktikal ba o hindi ang ganitong uri ng pang-unawa? Isa ba itong bagay na nanggagaling sa puso? Isa ba itong bagay na binibigkas mula sa tunay na pagkamuhi sa sarili? Halimbawa, may isang lider o manggagawa na tinanggal dahil sa hindi paggawa ng tunay na trabaho, at para ipakita sa lahat ang kanyang “pagsisisi,” sumulat siya ng isang liham ng pagsisisi: “Binigo ko ang Diyos at may pagkakautang ako sa Kanya. Hindi ako karapat-dapat para sa Kanyang pagliligtas o sa masigasig Niyang pangangalaga at pagsisikap. Isa akong demonyo, isa akong Satanas, masama ang pagkatao ko. Dapat akong isumpa, at dapat akong mapunta sa impiyerno at mamatay!” Sa liham na ito ng pagsisisi, sa bawat pangungusap ay itinatanggi at kinokondena niya ang kanyang sarili, binibigkas ang mga salitang hindi kailanman sasabihin ng isang walang pananampalataya. Bagaman kinikilala niya na siya ay isang demonyo at Satanas, may alinman ba sa mga salitang ito ang nagsasabi ng katotohanan? (Wala. Hindi binabanggit ng mga ito kung aling mga katiwalian ang inilantad niya, kung anong masasamang bagay ang ginawa niya, o kung anong pinsala ang naidulot niya sa gawain ng iglesia.) Wala ni isang pangungusap na nagpapaliwanag sa aktuwal na sitwasyon o kung ano ang nasa kanyang puso; walang saysay ang lahat ng mga salitang ito. Totoong pagkaunawa ba ito? (Hindi.) Kung hindi ito totoong pagkaunawa, kinikilala ba niya na tiwali siya? (Hindi.) Ipaliwanag natin ito para sa kanya: Hindi kinikilala ng taong ito ang kanyang sariling katiwalian. Sumulat siya ng isang liham ng pagsisisi, at sa panlabas, tila nakikilala niya ang kanyang sarili at inaamin ang kanyang katiwalian. Mula sa puntong iyon, dapat mong tingnan kung paano siya umaasal sa kanyang pang-araw-araw na pamumuhay at kung nagbago ba ang kanyang tunay na pag-uugali sa likod ng mata ng publiko; saka ka lang makapagbibigay ng tumpak na kongklusyon. Mula sa anong mga pag-uugali natin makikita na tunay niyang inaamin ang sarili niyang katiwalian, at na talagang nakikilala niya ang kanyang sarili? (Pagkatapos magkaroon ang isang tao ng tunay na pagkaunawa sa kanyang sarili, magkakaroon ng mga tunay na pagbabago.) Tama ito. Tinitingnan ng Diyos kung may tunay na pagbabago sa isang tao. Kung may isang tao na nagsusulat ng isang liham ng pagsisisi, at tila taos-puso naman ang mga sinasabi niya at tila may tunay siyang pagkaunawa, ibig sabihin ba nito ay totoong nagsisisi siya? Mapatutunayan ba nito na totoong nagsisisi siya? Hindi, kailangan nating tingnan kung may tunay bang pagbabago sa kanya—ito ang pinakamahalagang aspekto. Subalit pagkatapos siyang tanggalin, madalas niyang pinangangatwiranan at ipinagtatanggol ang kanyang sarili sa harap ng mga kapatid, na katumbas ng hindi niya pagkilala sa sarili niyang katiwalian at hindi pagkakaroon ng tunay na pagkaunawa sa kanyang sarili. Ang kanyang paglaban, pagtatanggol sa sarili, at pangangatwiran sa likod ng mata ng publiko ang nagkukumpirma sa puntong ito. Bukod dito, kapag hinihimay ng Itaas ang kanyang mga kilos at sinabing siya ay isang anticristo, isang huwad na lider, at isang tao na hindi gumagawa ng tunay na trabaho, ano ang kanyang reaksiyon sa pagsisiwalat ng Itaas? Nagdadahilan, ipinagtatanggol at pinangangatwiranan niya ang sarili, ipinaliliwanag ang mga bagay-bagay na ito kung saan-saan, hindi inaamin na hindi siya gumagawa ng tunay na gawain, na kulang siya sa kakayahan, na hindi niya nauunawaan ang katotohanan, at na isa siyang huwad na lider. Anong uri ng disposisyon ang nasa likod nitong hindi pag-amin at pagtatanggol sa sarili? Isa itong uri ng mapagmatigas at mayabang na disposisyon, isang disposisyong tutol sa katotohanan. Nang isinulat niya ang kanyang liham ng pagsisisi, sinabi niya na isa siyang diyablo at Satanas, na hindi siya karapat-dapat sa Diyos at na may pagkakautang siya sa Diyos, at na hindi mabuti ang kanyang pagkatao, subalit kaagad pagkatapos itong aminin, bumalik siya sa dati niyang gawi. Ano ang nangyayari rito? (Hindi totoo ang kanyang pag-amin.) Alin ang totoo niyang pagkatao? Ano ang totoo niyang tayog? (Ang pagtatanggol at pangangatwiran niya sa sarili.) Ang mga pangangatwiran at pagtatanggol sa sarili na ginagawa niya sa likod ng mata ng publiko, ang pagpapaliwanag niya sa kanyang sarili kung saan-saan—ito ang totoo niyang pagkatao. Hindi ba nito pinatutunayan na hindi niya inaaming hindi niya kayang gumawa ng tunay na trabaho at hindi niya taglay ang katotohanang realidad? Hindi talaga niya ito inaamin. Kung hindi man lang niya inaamin ito, kilala ba talaga niya ang kanyang sarili? Kung hindi niya kilala ang kanyang sarili, hindi ba’t ang pagturing niya sa sarili bilang isang diyablo at Satanas ay panlilihis sa mga tao? Kung gayon, kasinungalingan lahat ang sinasabi niya tungkol sa pagkilala niya sa kanyang sarili; ang lahat ng ito ay mapanlinlang. Hindi niya inaaming hindi niya kayang gawin ang trabaho, at na hindi mabuti ang kanyang pagkatao, kaya bakit sinasabi pa rin niya ang mga salitang iyon ng pagkokondena sa sarili? Ito ay di-maarok. Kung hindi niya kilala ang kanyang sarili, bakit nagkukunwari pa rin siyang kilala niya ito? Ito ay para dayain ang mga tao. Pinatotohanan na ng mga katunayang nasa harap natin na siya ay isang mapagpaimbabaw na tao. Kung gayon ay inaamin ba niya na may tiwali siyang disposisyon? (Hindi niya ito inaamin.) Tumatanggi siyang aminin ito, at nagsusumikap pa ngang humanap ng iba’t ibang palusot at dahilan para patunayan na hindi mali ang mga bagay na ginawa niya. Naniniwala siyang anuman ang gawin niya, ito ay tama, at hindi ito dapat kondenahin o himay-himayin ng Itaas. Matatanggap niya ang tanggalin, subalit hindi ang tratuhin nang hindi makatarungan dahil sa mga bagay na ito. Anuman ang dahilan ng pagtanggal sa kanya, kaya niyang magpasakop dito at tanggapin ito; dahil lang ito sa tinanggal siya para sa mga partikular na bagay na ito na ginawa niya na hindi niya kayang tanggapin ito o magpasakop dito. Hindi ba’t ito ang ugat ng kanyang pangangatwiran at pagtatanggol sa sarili? Ang tao na tulad nito ay nagsasalita tungkol sa pagiging isang diyablo at Satanas, sinasabing dapat siyang isumpa at ipadala sa impiyerno, at paulit-ulit na isinisigaw ang mga islogan na ito habang patuloy na nakikipagtalo at nangangatwiran—kilala ba talaga niya ang kanyang sarili? (Hindi.) Paulit-ulit niyang isinisigaw na siya ay isang diyablo at Satanas, subalit hindi niya inaamin ang anuman sa mga pagkakamali niya. Inaamin ba niya na mayroon siyang tiwaling disposisyon? (Hindi.) Bakit sinasabing hindi niya inaamin ito? Inaamin niyang siya ay isang diyablo at Satanas, kung gayon ay bakit hindi niya inaamin na mayroon siyang mga tiwaling disposisyon? Anong kahihinatnan ang mas malala—ang aminin na ang isang tao ay may tiwaling disposisyon, o ang aminin na ang isang tao ay isang diyablo at Satanas? Ang totoo, nauunawaan niya sa kanyang puso na ang pag-amin na siya ay isang Satanas at diyablo ay makapanlilihis sa mga tao at magkakamit ng magandang resulta, at na walang anumang gagawin ang mga tao sa kanya. Gayunpaman, kung aaminin niya ang kanyang mga pagkakamali, o na wala siyang pagkatao, iiwasan at kamumuhian siya ng mga tao. Samakatuwid, pinipili niya ang isang kapaskil-paskil na islogan para ilihis ang lahat at ipaliwanag ang mga bagay-bagay. Bakit niya isinisigaw ang gayong mga linya at islogan? Ano ang layunin nito? (Ito ay para makita ng mga tao kung gaano niya kakilala ang kanyang sarili.) Sa isang banda, ipinangangalandakan niya ang kanyang espirituwalidad. Sa kabilang banda, iniisip niya na: “Sinasabi ng lahat na sila ay mga diyablo at Satanas. Kung sasabihin ko na ako ay isang diyablo at Satanas, hindi ko kakailanganing pasanin ang anumang kahihinatnan at magagawa ko pang makamit ang pagsang-ayon ng lahat. Bakit hindi ko na lang gawin ito?” Hindi ba’t iyon ang ideya? Hindi ba’t masyadong tuso ang ganitong pagkilala sa sarili? (Oo, mapanlihis ito.) Likas itong mapanlihis at mapandaya, at nagtatagalay ito ng mga katangian ng isang relihiyosong manloloko! Ano ang sinasabi ng mga relihiyosong manloloko? “Lahat tayo ay makasalanan; nagkasala tayong lahat!” Hindi nila sinasabi kung paano sila naging masama o dinedetalye ang masasamang bagay na ginawa nila. Sinasabi rin nila na: “Makasalanan tayong lahat, at dapat tayong magsisi. Tingnan ninyo kung gaano karaming pinakamamahal na dugo ang ibinuhos ng Panginoong Jesus para sa atin!” Ano ang layunin ang gusto nilang makamit gamit ang mga salitang ito? Ito ay para magmukha silang espirituwal. Nagpapasikat sila at sinisikap na pataasin ang pagtingin sa kanila ng iba para makamit ang layunin nilang makuha ang puso’t isipan ng ibang tao. Gusto rin bang makamit ng mga taong nagsasabi na sila ay mga diyablo at Satanas ang ganitong resulta? Hindi ba’t ito rin ang layunin nila? Sa unang tingin, tila kilala nila ang kanilang sarili, at mukhang mga tao sila na tunay na nagsisisi, ipinapahayag ang sarili nila bilang mga diyablo at Satanas, mga anak ng impiyerno, at karapat-dapat sa kamatayan. Napakataimtim ng kanilang mga salita! Subalit habang taimtim silang nagsasalita, kasing taimtim din ba ang ginagawa nila sa likod ng mga mata ng publiko? Hinding-hindi. Doble-kara ang ginagamit nilang pamamaraan: Sa isang banda, inaamin nila sa publiko na sila ay mga diyablo at Satanas, subalit sa kabilang banda, nag-iikot-ikot sila para ipagtanggol at bigyang-katwiran ang kanilang sarili, ipinaliliwanag na wala silang maling ginawa. Sinasabi nilang hindi naging makatarungan ang pagtrato sa kanila ng Itaas, na hindi alam ng Itaas ang aktuwal na sitwasyon, at na sa pagsasagawa ng mga bagay na ito ay tiniis nila ang labis na paghihirap at hinanakit at malaki ang isinakripisyo nila, at hindi sila dapat tratuhin nang ganito. Sinasabi nila ang mga bagay na ito para makakuha ng mas maraming simpatya, para mas maraming tao ang magkamaling maniwala na inaamin nilang sila ay mga diyablo at Satanas at na tunay nilang kilala ang kanilang sarili, at na hindi naging patas ang Itaas sa kanila, at na tinanggal sila dahil sa isang maliit na bagay. Pinagmumukha nilang kilala nila ang kanilang sarili at karapat-dapat silang maging mga lider. Talagang puspusan nilang ipinagtatanggol at pinangangatwiranan ang kanilang sarili. Kaya ba ng mga taong ito na magaling magbalatkayo at pangatwiranan ang sarili at isigaw ang mga espirituwal na mga islogan na tunay na makilala ang kanilang sarili? (Hindi nila kaya.) Ang tinatawag nilang kaalaman sa sarili ay isa lang paggawa nang pabasta-basta, pandaraya sa iba, at pagpapanggap para lang mag-iwan ng magandang impresyon sa ibang tao. Hindi sila tunay na lumalapit sa Diyos para magsisi at aminin ang kanilang kasalanan, at hindi nila tinatanggap ang pagpupungos sa kanila ng Diyos, paglalantad sa kanila, at pagdidisiplina, o maging ang pagtatanggal sa kanila. Talagang wala silang ganitong kalooban.
Sa panahon ngayon, masyadong mababaw ang karanasan ng karamihan sa mga tao, at masyadong limitado ang kanilang kaalaman sa sarili. Kinikilala lang ng marami ang kamalian sa kanilang mga pamamaraan at ang sarili nilang mga pagkakamali, samantalang may iilang kinikilala ang mababa nilang kakayahan, baluktot na pagkaarok, kakulangan sa espirituwal na pang-unawa, at kakulangan sa pagkatao. Mas kaunti pa ang kumikilala na ang mga salita ng pagsisiwalat ng Diyos ay mga ganap na katunayan, na ang mga salitang ito ay nagsisiwalat ng katotohanan ng kanilang sariling katiwalian, o na ang Kanyang mga salita ay ganap na totoo at walang anumang kamalian. Patunay ito na hindi pa rin talaga nakikilala ng mga tao ang kanilang sarili. Ang hindi nila pag-amin na namumuhay sila nang naaayon sa kanilang mga satanikong disposisyon at satanikong kalikasan ay nangangahulugang hindi nila tunay na nakikilala ang kanilang sarili. Anuman ang tiwaling disposisyong inilantad nila, hindi nila inaamin ang mga ito. Tinatakpan at binabalutan nila ang mga ito, hindi pinahihintulutan ang iba na makita ang kanilang katiwalian. Ang mga ganitong tao ay magaling sa pagbabalatkayo at mga mapagkunwari. Sa panahon ngayon, karamihan sa mga tao ay bumabaling sa katotohanan, at medyo bumubuti ang kanilang kalagayan, subalit hindi pa rin talaga nila kilala ang kanilang sarili. Maraming tao ang patuloy na tumutugon sa paggawa ng pagkakamali sa pamamagitan ng pag-amin lang na nagkamali sila sa isang pagkakataong iyon. Kung tatanungin mo sila na, “Saan ka eksaktong nagkamali sa bagay na ito? Ano ang mga katotohanang prinsipyong nilabag mo? Ano ang mga tiwaling disposisyon na inilantad mo?” Sasabihin nila na, “Wala itong kinalaman sa mga tiwaling disposisyon. Ito ay isang pansamantalang pagkakamali lang; hindi ko ito pinag-isipan at kumilos ako nang pabigla-bigla. Hindi ito ang layunin ko.” Ang mga hindi nila sinasadyang pagkilos at pagkakamali ay naging mga pananggalang at palusot para sa mga tiwaling disposisyong nailantad nila. Tunay na pag-amin ba ito ng kanilang sariling katiwalian? Hindi. Kung palagi kang magpapalusot o maghahanap ng mga kadahilanan para sa mga tiwaling disposisyong inilalantad mo, hindi mo tunay na mahaharap ang sarili mong katiwalian, ni hindi mo maaamin o mauunawaan ang mga ito. Halimbawa, ginagampanan nang maayos ng isang tao ang kanyang tungkulin sa loob ng ilang panahon; matatag ang kanyang kalagayan, anuman ang kanyang ginagawa ay naisasakatuparan nang maayos at nang walang aberya, at nagkakaroon siya ng mga positibong resulta at nakatatanggap ng papuri mula sa iba. Pakiramdam niya ay nakagawa siya ng malalaking kontribusyon at na dapat siyang pagkalooban ng Diyos ng mga gantimpala. Bilang resulta, nakapaglalantad siya ng isang mayabang at mapagmagaling na tiwaling disposisyon—naniniwala siyang mas magaling siya kaysa sa iba, at tumatanggi siyang makinig sa kahit na sino at hindi magawang makipagtulungan nang maayos sa kahit na sino. Hindi nagtatagal, nagkakamali siya sa pagganap ng kanyang mga tungkulin, at pinupungos at inilalantad siya ng mga kapatid, sinasabing masyado siyang mayabang. Nahihirapan siyang tanggapin ang katunayang ito at walang tigil itong pinag-iisipan: “Mayabang ako? Sa tingin ko ay hindi. Hindi ako nagyabang tungkol sa kahit ano, kaya’t paano ako naging mayabang?” Napako na siya sa salitang “mayabang” at hindi makalagpas dito. Ang kawalan niya ng kakayahang tanggapin ang salitang ito ay nagpapakita na wala siyang katwiran, hindi talaga niya kilala ang kanyang sarili, at hindi niya inaamin ang sarili niyang tiwaling disposisyon. Kapag may nangyayari sa iyo at naglalantad ka ng tiwaling disposisyon, kapag may namumuna sa iyo o nagpupungos sa iyo, at nagsasabing nilalabag ng mga ginawa mo ang mga katotohanang prinsipyo, subalit inaamin mo lang ang pagkakamali mo sa partikular na bagay na iyon, hindi mo ginugustong aminin na ito ay kahihinatnan na bunga ng nailantad na tiwaling disposisyon, at handa ka lang na itama ang pagkakamali nang hindi kailanman tinatanggap ang katunayan na naglantad ka ng isang tiwaling disposisyon, ibig sabihin ay hindi mo talaga kilala ang iyong sarili. Kaya ba mismong katawanin ng pag-amin sa pagkakamali ang kaalaman sa sarili? Ang kaalaman sa sarili ay tumutukoy sa pagkilala sa ugat na dahilan ng pagkakamali ng isang tao at pag-alam sa sarili niyang tiwaling disposisyon. Kung inaamin mo na may mali kang ginawa, at pagkatapos ay nagbabago ang iyong pag-uugali kaya parang hindi mo na ginagawa ang katulad na pagkakamali, subalit hindi mo iwinaksi ang iyong tiwaling disposisyon at ang ugat na dahilan ng kamalian ay hindi nalutas, ano ang magiging kahihinatnan? Hindi mo pa rin maiiwasang maglantad ng tiwaling disposisyon at maghimagsik at lumaban sa Diyos. Huwag mong isipin na ang ilang pagbabago sa pag-uugali ay katumbas ng pagbabago sa iyong disposisyon. Ang pagkilala sa sarili ay isang walang katapusang bagay; kung hindi kayang alamin ng isang tao ang mga ugat na dahilan ng kanyang tiwaling disposisyon o kung nasaan ang ugat ng kanyang paghihimagsik at paglaban sa Diyos, hindi niya makakamit ang pagbabago sa kanyang disposisyon. Ito ang mahirap tungkol sa pagbabago ng sariling disposisyon. Bakit maraming tao na nananalig sa Diyos ang binabago lang ang kanilang pag-uugali at hindi ang kanilang buhay disposisyon? Narito ang problema. Kung aaminin mo na ang ipinapakita mo ay isang tiwaling disposisyon na nagdulot sa iyo para kumilos nang naaayon sa iyong kagustuhan, gumawa ng mga arbitraryong desisyon, hindi makipagtulungan nang maayos sa iba, at magmataas sa iba, at pagkatapos mo aminin ang mga bagay na ito, aaminin mo pa dulot ang mga ito ng isang mayabang na disposisyon, ano ang magiging pakinabang nito sa iyo? Saka mo lang tunay na mapagninilayan ang mga bagay na ito, at makikilala na ang isang tiwaling disposisyon ay ang ugat na dahilan ng paglaban sa Diyos, at isang malinaw na patunay ng katiwalian ni Satanas sa sangkatauhan. Mababatid mo na kung hindi iwawaksi ng isang tao ang kanyang tiwaling disposisyon, hindi siya magiging karapat-dapat na tawaging tao at hindi karapat-dapat na mamuhay sa harap ng Diyos. Gayunpaman, kung aaminin mo lang na may mali kang ginawa, ano ang magiging kahihinatnan? Tututukan mo lang at pagsisikapan ang paraan mo ng paggawa ng mga bagay-bagay at pagwawasto sa mga ito, kung paano gagawin ang mga bagay-bagay para magmukhang maayos ang mga ito sa panlabas, at kung paano maitatago ang paglalantad ng iyong mayabang na disposisyon. Mas lalo kang magiging mapanlinlang at magiging mas sopistikado ang pamamaraang ginagamit mo sa pandaraya ng iba. Iisipin mo na: “Nagkamali ako sa pagkakataong ito, at nakita ito ng lahat dahil hindi ako naging maingat. Hindi ako magiging ganito sa susunod.” Ang resulta ay bagaman nagbago sa panlabas ang paggawa mo ng mga bagay-bagay, at hindi nakikita ng mga tao kung ano ang mga problema, itinago mo ang iyong tiwaling disposisyon. Naging ano ka na? Mas lalo kang naging mapanlinlang at mapagkunwari. Kung pagtutuunan at pagsisikapan ng isang tao kung paano siya magsasalita at kikilos para sa panlabas ay walang makapansin ng anumang problema o makakita ng pagkakamali sa kanya, at magmukhang walang kapintasan ang kanyang mga kilos, subalit hindi niya binabago ang kanyang tiwaling disposisyon kahit kaunti, hindi ba siya nagiging isang Pariseo? Bagaman maaaring linlangin ng mapagkunwaring pagkilos ang mga tao, malilinlang ba nito ang Diyos? Ano ba talaga ang ibig sabihin ng paghahangad sa katotohanan? Una sa lahat, tumutukoy ito sa paghahangad ng pagbabago sa disposisyon ng isang tao. Kung hindi kailanman nalalaman ng isang tao ang kanyang sariling tiwaling disposisyon, imposibleng magkaroon ng pagbabago sa kanyang disposisyon. Kasabay sa pag-amin na mayroon siyang tiwaling disposisyon, dapat din niyang tanggapin ang katotohanan, pagnilayan kung saan talaga siya nagkamali at kung saan siya nabigo, at pagkatapos ay hanapin ang katotohanan para lutasin ang kanyang mga problema. Sa ganitong paraan lang unti-unting maiwawaksi ng isang tao ang kanyang tiwaling disposisyon, maisasagawa ang katotohanan sa pagganap niya ng kanyang mga tungkulin, at makakikilos nang may mga prinsipyo. Sa pagsasagawa nito, makapapasok siya sa katotohanang realidad. Tanging iyong mga kayang hanapin at isagawa ang katotohanan ang mga taong naghahangad ng katotohanan. Sila ang mga taong patuloy na nakapagsisikap sa pagsasagawa ng katotohanan at sa pagkilos nang may mga prinsipyo, at makapagbubuod ng kanilang mga karanasan at makakukuha ng mga aral. Sa oras na naisasagawa nila ang katotohanan at nakapapasok sa realidad, nagtataglay ng mga prinsipyo sa kanilang mga kilos, at nakagagawa ng mas kaunting mga pagkakamali, unti-unti silang magiging angkop para magamit ng Diyos. Kung ang isang tao ay hindi naghahangad ng katotohanan, gaano man siya nagpapakasasa sa walang saysay na usapan tungkol sa pagkilala niya sa kanyang sarili, o kung paano niya inilalarawan ang kanyang sarili bilang isang diyablo at Satanas, sa huli ay hindi pa rin niya isasagawa ang katotohanan. Kung gayon, ano ang kaibahan sa pagitan ng dalawang ito? Ang isa ay kumikilala sa sarili niyang tiwaling disposisyon, humahanap ng katotohanang prinsipyo, at nagsasagawa nang naaayon sa katotohanan—ito ang landas ng paghahangad sa katotohanan. Ang iba ay hindi umaamin na mayroon siyang tiwaling disposisyon at hindi tinatanggap ang katunayan ng kanyang sariling tiwaling disposisyon, sa halip ay nagsisikap sa paraan niya ng paggawa ng mga bagay-bagay. Gayunpaman, binabago lang nito ang panlabas niyang pag-uugali, at walang pagbabago sa kanyang buhay disposisyon, na mas ginagawang pandaraya ang kanyang pag-uugali. Alinsunod ba sa mga katotohanang prinsipyo ang isinasagawa ng mga ganitong uri ng mga tao? Ganap na nagkukulang ito rito at hindi man lang nalalapit. Ang ginagawa nila ay pagbabalatkayo, pagkukunwari, at pandaraya, at ang layunin nila ay dayain ang mga taong hinirang ng Diyos. Hindi nila isinasagawa ang katotohanan, subalit gusto pa rin nilang purihin sila ng lahat, sang-ayunan sila, at i-endorso sila para magkaroon sila ng katayuan sa iglesia. Hindi ba’t pagpapamalas ito ng pagbabalatkayo at pandaraya? Nagbabalatkayo sila at ikinukubli ang kanilang sarili at tumutuon lang sa kung paano magkakamit ng pabor mula sa ibang tao. May anumang katotohanang prinsipyo ba sa ganitong paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay? Walang-wala—ito ay ganap na batay sa mga imahinasyon ng isipan ng tao, mga pamamaraan ng tao, mga pilosopiya ng tao para sa mga makamundong pakikitungo, at pamumuhay pa rin ito na naaayon sa isang satanikong disposisyon. Ang ganitong pagsasagawa na pagpapaimbabaw ay nabibilang sa huwad na espirituwalidad; pandaraya ito sa mga tao at walang kahit katiting na katotohanang realidad.
Bakit may ilang tao, na mukha ring nagsasagawa ng kanilang mga tungkulin tulad nang iba, ang bigla na lang sumusulpot mula sa kung saan at ginugulat ang mga tao sa paggawa nila ng napakalaking kasamaan sa huli? Maaari bang maganap ang gayong pangyayari sa loob lang nang isa o dalawang araw? Talagang hindi. Hindi mabubuo ang tatlong talampakang yelo sa loob lamang ng isang araw. Sa panlabas, tila sila ay may mabuting pag-uugali at simple, at walang makakita ng kamalian sa kanila, subalit sa huli, ang masasamang bagay na ginagawa nila ay mas matindi at nakabibigla kaysa doon sa mga ginawa ng iba pa. Ang mga bagay na ito ay ginagawa nitong mga tinaguriang tao na “may mabubuting pag-uugali.” Alam ba ninyo kung ano ang karaniwang katangian na tinataglay ng ganitong mga uri ng tao? (Mukha silang may mabuting pag-uugali at madalas na tila may magandang asal.) Ang isinasabuhay nila at ang kanilang kalikasang diwa ay may dalawang naiibang katangian—kaya ba ninyong maarok ang mga pangunahing puntong ito? (Hindi nila minamahal ang katotohanan o inaamin ang kanilang tiwaling disposisyon. Kapag nagsasalita sila tungkol sa pagkilala sa kanilang sarili, nagbabalatkayo sila at nagkukunwari.) Ang pagkukunwari ay isang aspekto nito, kaya’t paano mo matutuklasan at makukumpirma na ang mga taong ito ay mapagkunwari? Paano mo makukumpirma na ang magagandang pag-uugaling isinasabuhay nila ay isang pagkukunwari lang? (Sa panlabas, maayos silang magsalita, subalit sa tunay nilang mga pagkilos, iniingatan nila ang mga sarili nilang interes nang hindi isinasaalang-alang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos.) Ito ay isang partikular na pagpapamalas ng pagkukunwari. Bagaman maaayos magsalita ang mga mapagkunwaring taong ito, sa katunayan ay nandaraya at nanlilihis sila ng mga tao. Bukod pa rito, inilalantad nila ang kanilang pagkamakasarili at pagkamababang-uri, iniingatan lang ang kanilang mga interes at hindi isinasaalang-alang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos—gusto nilang mamuhay na parang kalapating mababa ang lipad habang inaasahan ang isang monumento para sa kanilang kalinisang-puri. Kinakatawan ng lahat ng ito ang kanilang kalikasang diwa, walang anumang pagkatao. Kababanggit Ko lang na may dalawang naiibang katangian ang kanilang kalikasang diwa. Ang unang katangian ay na kadalasang sumisigaw ng mga islogan at bumibigkas ng mga doktrina ang mga ganitong uri ng tao na para bang malalim ang kanilang espirituwalidad, subalit ang totoo ay wala silang ni katiting na pagmamahal sa katotohanan, imposible para sa kanila na isagawa ito. Batay sa puntong ito, hindi ba’t isa sa mga pagpapamalas na ito ang nauna na ninyong binanggit tungkol sa pagsasaalang-alang nila ng sarili lang nilang interes? Bakit nila isinasaalang-alang ang mga sarili nilang interes? Minamahal ba nila ang katotohanan? (Hindi nila minamahal ang katotohanan; gusto lang nila ang mga interes.) Iniingatan lang nila ang mga sarili nilang interes at hindi isinasaalang-alang kahit kaunti ang interes ng sambahayan ng Diyos o ng mga kapatid. Hindi ba ito ang pag-uugali na walang ni katiting na pagmamahal sa katotohanan? Sinasabi ng ilang tao na, “Kung hindi nila minamahal ang katotohanan, bakit lagi silang nagbabahagi tungkol sa mga bagay na may kinalaman sa katotohanan?” Paano ninyo ipapaliwanag ito? (Ginagawa nila ito para mapabilib ang iba, nagbabalatkayo sila, at nag-aayos ng kanilang sarili.) Ito ay isang aspekto nito, subalit bukod pa rito, totoo bang nagbabahagi sila tungkol sa katotohanan? Hindi talaga ito ang katotohanan; mga salita at mga doktrina lang ang mga ito. Kung malinaw na mga salita at doktrina lang ang mga ito, paano ito matatawag na katotohanan? Mga hangal lang ang magtutumbas ng mga salita at doktrina sa katotohanan. Napakahuhusay ng mga diyablo sa pagbibigkas ng mga salita at doktrina para ilihis ang mga tao, at gusto rin nilang magpanggap na mga taong taglay ang katotohanan para dayain ang iba at ang Diyos. Gaano man katayog ang mga salita at doktrinang binibigkas ng mga tao, hindi katotohanan ang mga ito; tanging ang mga salitang binibigkas ng Diyos ang katotohanan. Paanong nababanggit ang mga salita at doktrinang binibigkas ng mga tao nang sabay sa katotohanan? Magkaibang bagay ang dalawang ito. Ito ang unang aspekto, na ang mga taong ito ay talagang walang pagmamahal sa katotohanan. Ang aspekto bang ito ang kanilang kalikasang diwa? (Oo.) Bakit sinasabi nating ito ang kanilang kalikasang diwa at hindi lang basta pansamantalang pagbubunyag o pag-uugali? Ito ay dahil kung titingnan natin ang lahat ng kanilang pagbubunyag at pag-uugali, mahihinuha na ang kanilang pagkataong diwa ay na hindi talaga nila minamahal ang katotohanan. Dahil sa iba’t ibang pag-uugaling ito, matitiyak na sila ay mga taong hindi nagmamahal sa katotohanan. Ito ang unang katangian. Ngayon, ano ang ikalawang katangian? Ito ay na hindi talaga inaamin ng mga tao ang mga sarili nilang tiwaling disposisyon. Ano ang ibig sabihin ng hindi talaga nila inaamin ito? Kung sinasabing hindi nila inaamin ang kanilang tiwaling disposisyon, bakit lagi nilang pinag-uusapan ang tungkol sa pagkilala sa kanilang sarili? Hindi lang nila pinag-uusapan ang tungkol sa pagkilala sa kanilang sarili, walang kahihiyan rin nilang tinutulungan ang ibang tao na kilalanin ang mga sarili nito. Madalas din nilang sabihin na hindi sapat ang ginagawa nila, na may pagkakautang sila sa Diyos, na sila ay mga diyablo at Satanas at karapat-dapat silang isumpa. Paano ito maipaliliwanag? (Kapag nagsasalita sila tungkol sa pagkilala sa kanilang sarili, walang totoong nilalaman o detalye. Halimbawa, walang praktikal na nilalaman tungkol sa kung aling mga katiwalian ang ibinubunyag nila, aling mga maling layunin ang kinikimkim nila, aling mga tiwaling disposisyon ang kumukontrol sa kanila, anong mga partikular na pagpapamalas ang mayroon sila, sa anong mga kalikasang diwa sila nabibilang, at iba pa. Sinasabi lang nila nang may kalabuan na sila ay mga diyablo at Satanas nang hindi ipinapahayag ang tunay na nararamdaman at nauunawaan.) (Ang isang resulta ng tunay na pagkilala sa sarili ay ang kakayahang tunay na kamuhian ang sarili. Pasalitang inaamin ng mga ganitong uri ng mga tao ang kanilang katiwalian subalit hindi kinamumuhian ang sarili nila sa kanilang puso, at naghahanap din sila ng lahat ng uri ng dahilan para ipagtanggol at pangatwiranan ang kanilang sarili. Minsan, hindi nila ipinaliliwanag ang kanilang sarili sa panlabas, subalit hindi nila tinatanggap at inaamin ang kanilang katiwalian sa kanilang kalooban. Talagang ganap silang walang kakayahang tanggapin ang katotohanan at hinding-hindi sila nagbabago.) Hindi nila inaamin ang sarili nilang katiwalian—paano ito maipaliliwanag? (Kapag may nangyayari sa kanila at ibinubunyag sila, pakiramdam nila ay wala silang kakayanang gawin ang gayong bagay, kung kaya’t hindi nila inaamin na may ganito silang uri ng tiwaling disposisyon.) Ang ganitong mga tao ay palaging nagsasalita tungkol sa pagkilala sa kanilang sarili, subalit ano ba talaga ang alam nila? Alam ba nila ang kanilang mga pag-uugali at pagpapamalas, o alam ba nila ang kanilang mga tiwaling disposisyon? O alam lang ba nila ang mga mali nilang ginawa? May malaking pagkakaiba sa pagitan ng mga ganitong uri ng karunungan. Ang ilang uri ng karunungan ay tunay na karunungan, samantalang ang iba ay mabababaw at walang diwa. Ang karunungan ng ilang tao ay mas mababaw pa, at alam lang nila kung ano ang mga mali nilang nagawa o inaamin ang mga bagay na ginawa nila na lumabag sa moralidad o sa batas. Hindi ito naiiba sa mga relihiyosong tao na umaamin ng kanilang pagkakasala sa Panginoon; hindi ito humahantong sa tunay na pagsisisi. May ilang tao rin na bumibigkas lang ng ilang doktrina kapag nagsasalita sila tungkol sa pagkilala sa sarili, o gumagaya sa sinasabi ng iba tungkol sa kaalaman sa sarili. Mas malaking anyo pa ito ng pagbabalatkayo at pandaraya. Bakit hindi talaga nakilala ng mga taong ito ang kanilang sarili? Ang pinakamahalagang dahilan ay na hindi nila kailanman tinatanggap ang katotohanan, kaya’t ang lahat ng kanilang kilos at pag-uugali ay ganap na nababatay sa sarili nilang mga kagustuhan, sarili nilang satanikong pilosopiya, at kanilang mga interes, ambisyon, at pagnanais. Sa kaibuturan ng kanilang puso, hindi nila itinuturing na tiwali ang kanilang mga ambisyon at pagnanais; ang anumang kinakailangan nila ay hindi tiwali, kaya ginagawa nila ang anumang gustuhin nila, kung anuman ang mapusuan nila. Kung huhusgahan ito mula sa simula ng kanilang mga kilos, inaamin ba nila ang mga sarili nilang katiwalian? (Hindi nila inaamin ang mga ito.) Paano kumikilos ang mga taong umaamin sa kanilang mga katiwalian? Kumikilos ba sila sa pamamagitan ng paghahanap sa mga katotohanang prinsipyo, o nagdarasal, nag-iisip, at gumagawa lang ba sila ng mga bagay ayon sa mga naiisip nila? Ano sa mga ito ang sinusunod nila? (Hinahanap nila ang mga katotohanang prinsipyo.) Kaya, kung titingnan ang mga kilos ng iyong mga naunang binanggit na mga uri ng tao, malinaw na palagi nilang ginagawa anuman ang gustuhin nila. Pinaniniwalaan nila na ang mga salita ng Diyos ay para sa ibang tao at ibinabahagi nila ang mga naunawaan nilang doktrina sa iba, na nangangahulugang pinakikilos nila ang iba alinsunod sa mga salita ng Diyos, ipinahihiwatig na “nagbubunyag kayong lahat ng mga katiwalian, subalit hinahanap ko ang katotohanan sa lahat ng aking ginagawa at wala halos akong ibinubunyag na katiwalian.” Ito ba ang mga taong tunay na nakakikilala sa kanilang sarili? Hindi sila nangangahas na aminin ang sarili nilang mga katiwalian; ito ang katotohanan sa bagay na ito. Naniniwala sila na ang pagsasakripisyo, gayundin ang pagsasalita nang mas madalas, pagtitiis ng mas maraming paghihirap, at maging ang pagtalikod sa mga bagay-bagay at paggugol ng kanilang sarili para matugunan ang kanilang mga ambisyon at pagnanais ay naaayon lahat sa katotohanan at tama. Kung tatanungin mo sila, “Dahil lahat ng tao ay may mga katiwalian, hindi ka ba natatakot na magkamali kung ganyan ka mag-isip?” Sasabihin nila na: “Hindi, ayos lang ito; hindi ako natatakot. Tama ako sa aking mga layunin.” Tingnan kung paano nila itinuturing na isang positibong bagay ang kanilang mga ambisyon, pagnanais at layunin. Inaamin ba ng mga ganitong uri ng tao ang mga sarili nilang katiwalian? (Hindi, hindi nila inaamin ang mga ito.) Mula sa isang obhetibong pananaw, hindi lang talaga nila inaamin ang mga sarili nilang katiwalian. Kaya bang tunay na magsisi ng isang taong hindi umaamin sa kanyang sariling katiwalian? (Hindi, hindi niya kaya.) Tiyak na hindi siya magsisisi; hindi niya ito gagawin kailanman. Taglay ba niya ang tunay na pagpapasakop? (Hindi.) Mas lalong hindi. Ni hindi nga niya alam kung ano ang katotohanan, kaya paano siya makapagpapasakop? Nagpapasakop lang siya sa kanyang sariling mga ambisyon at pagnanais. Ganap siyang nabubuhay sa pamamagitan ng paggawa ng lahat ng bagay nang naaayon sa kanyang mga sariling pagnanais, at nagsasalita, kumikilos at pumipili siya ng tatahaking landas batay lang sa kanyang sariling kalooban, nang hindi kailanman hinahanap ang katotohanan. Sinasabi ng ilang tao na: “Hindi nila kailanman hinahanap ang katotohanan, kaya bakit pa sila nakikinig sa mga sermon?” Ang pakikinig sa mga sermon ay hindi naman nangangahulugang nagagawa nilang hanapin ang katotohanan; isa lang itong aspekto ng pananalig sa Diyos. Kung hindi sila nakinig sa mga sermon at dumalo sa mga pagtitipon, hindi ba sila mabubunyag? Kaya, kinakailangan nilang pagdaanan ang prosesong ito, subalit ang pakikinig sa mga sermon ay hindi nangangahulugan na isa silang tao na tumatanggap sa katotohanan o umaamin sa sarili nilang katiwalian; hindi dapat maghinuha nang ganito ang isang tao. Hindi madali para sa isang tao na aminin na siya ay may katiwalian, at mahirap itong gawin para sa mga taong hindi nagmamahal sa katotohanan.
Kababanggit lang natin na ang mga taong hindi nakakikilala sa kanilang sarili ay may dalawang naiibang katangian: Ang isa ay wala talaga silang pundamental na pagmamahal sa katotohanan, at ang isa pa ay hindi nila kailanman inaamin na sila ay may mga tiwaling disposisyon. Kung gayon, gaano pa kayo kalayo sa pagkilala sa inyong sarili? (Sa ngayon, hindi pa rin namin nakikilala ang aming sarili at hindi pa rin kami nakaaabot sa punto na kinamumuhian namin ang aming sarili.) Napakalayo pa ninyo. Una sa lahat, ang pagkilala sa sarili ay nangangahulugan ng pagkilala sa sariling tiwaling disposisyon, mga kagustuhan, at mga maling pananaw at pag-uugali ng isang tao. Ito ang susi, at pumapangalawa lang ang ibang aspekto ng kaalaman sa sarili. Matatanggap mo lang talaga ang katotohanan at magkakaroon ng tunay na pagsisisi kapag inaamin mo na mayroon kang tiwaling disposisyon, at na taglay mo ang lahat ng kalikasang diwa at pagbubunyag ng mga katiwalian na ipinaalam ng Diyos sa mga tao, at kung kaya mong ilista isa-isa ang mga ito at aminin na ang lahat ng mga partikular na katunayan, pag-uugali, at pagbubunyag na ito ay hindi sumasang-ayon sa katotohanan, lahat ay laban sa Diyos, at lahat ay kinasusuklaman Niya. Sa panahon ngayon, kapag sinasabi ng mga tao na tinatanggap nila ang katotohanan, inaamin lang nila ito sa doktrina at medyo binabago ang kanilang mga pag-uugali. Subalit pagkatapos nito, isinasabuhay pa rin nila ang kanilang mga satanikong tiwaling disposisyon at nabubuhay alinsunod sa pilosopiya ni Satanas; hindi talaga sila nagbabago. Ang pagbabago sa pag-uugali ay hindi kumakatawan sa mga pagbabago sa disposisyon. Para baguhin ang disposisyon ng isang tao, dapat niyang malaman ang kanyang sariling kalikasang diwa at ang kanyang sariling tiwaling disposisyon—ito ang unang hakbang. Ang isang tao na nakakikilala lang na problematiko ang sarili niyang mga pagkilos, na hindi siya isang mabuting tao, o na siya ay isang diyablo at Satanas ay malayo pa rin sa pagkilala sa kanyang kalikasang diwa at sa pagbabago ng kanyang disposisyon.
Sipi 44
Kung uunawain ng mga tao ang kanilang mga sarili, dapat nilang unawain ang tiwali nilang disposisyon, at maarok ang tunay nilang mga katayuan. Ang pinakamahalagang aspeto ng pag-unawa sa sariling katayuan ng isang tao ay ang magkaroon ng pagkaunawa sa sariling mga kaisipan at mga ideya. Sa bawat yugto ng panahon, ang mga kaisipan at ideya ng mga tao ay kinokontrol ng isang pangunahing bagay. Kung nagagawa mong maunawaan ang iyong mga kaisipan at ideya, magagawa mong maunawaan ang mga bagay na nasa likod ng mga ito. Hindi nakokontrol ng mga tao ang mga kaisipan at ideya nila. Gayunman, kailangan mong malaman kung saan nagmumula ang mga kaisipan at ideyang ito, ano ang mga motibo sa likod ng mga ito, paano nabubuo ang mga kaisipan at ideyang ito, ano ang kumokontrol sa mga ito, at ano ang kalikasan ng mga ito. Pagkatapos magbago ang disposisyon ng isang tao, ang mga kaisipan, ideya, pananaw at ang mga mithiing pinagsisikapan ng isang tao na nilikha ng bahaging nagbago, ay magiging ibang-iba kaysa dati—sa diwa, haharapin niya ang katotohanan at magiging ayon sa katotohanan. Ang mga bagay sa kalooban ng mga tao na hindi nagbago, ibig sabihin, ang kanilang mga lumang kaisipan, ideya, at pananaw, kabilang ang mga bagay na gusto at hinahangad ng mga tao, ay pawang lubos na marurumi, marurungis, at mga kahindik-hindik na bagay. Pagkatapos maunawaan ng isang tao ang katotohanan, makikilatis niya ang mga bagay na ito, at malinaw na nakikita ang mga ito; kaya, nagagawa niyang isuko at maghimagsik laban sa mga bagay na ito. Ang ganitong mga tao ay tiyak na may pinagbago na. Nagagawa nilang tanggapin ang katotohanan, isagawa ang katotohanan, at pumasok sa ilang katotohanang realidad. Hindi malinaw na nakikita ng mga taong hindi nakakaunawa sa katotohanan ang mga tiwali o negatibong bagay na ito, ni nakikilatis ang mga ito; kaya, hindi nila magawang isuko ang mga ito, lalong hindi nila magagawang maghimagsik laban sa mga bagay na ito. Ano ang nagdudulot ng kaibahang ito? Bakit kahit lahat sila ay mananampalataya, ang ilan sa kanila ay nakakikilatis ng mga negatibo at hindi malinis na bagay, at nabibitiwan ang mga ito, habang ang iba ay hindi nakikita nang malinaw ang mga bagay na ito, ni hindi nila mapalaya ang mga sarili nila mula sa mga ito? Ito ay tuwirang may kaugnayan sa kung ang isang tao ay nagmamahal at naghahangad sa katotohanan. Kapag ang mga naghahangad ng katotohanan ay kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos sa loob ng ilang panahon, at nakikinig sa mga sermon sa loob ng ilang panahon, kung gayon ay mauunawaan nila ang katotohanan, at makikita ang ilang bagay nang malinaw; nakausad na sila sa kanilang buhay. Salungat dito, bagamat ang mga hindi nagmamahal sa katotohanan ay dumadalo sa mga pagtitipon, nagbabasa ng mga salita ng Diyos, at nakikinig din naman sa mga sermon, hindi nila kayang maunawaan ang katotohanan, at kahit maraming taon na silang nananalig, wala silang pagpasok sa buhay. Nabigo ang mga taong ito dahil hindi nila hinangad ang katotohanan. Kahit maraming taon na silang nananalig sa Diyos, ang mga hindi naghahangad sa katotohanan ay hindi magagawang maunawaan ang katotohanan. Kapag nahaharap sila sa isang sitwasyon, hindi nila ito makita nang malinaw, halos parang sila ay mga relihiyosong tao. Wala silang nakamit mula sa maraming taon ng kanilang pananampalataya. Gaano karaming katotohanan ang nauunawaan na ninyo ngayon? Aling mga bagay ang nakikita ninyo nang malinaw? Nakikilatis ba ninyo ang mga negatibong bagay at ang mga tao? Hindi malinaw sa iyo kung ano ang pananalig sa Diyos, ni kung sino ito na talagang pinananaligan mo. Hindi mo makilatis nang malinaw ang mga ideya at intensyon na mayroon ka sa pang-araw-araw na buhay, hindi mo lubos na alam kung aling landas ang dapat mong sundin bilang isang mananampalataya ng Diyos, at hindi malinaw sa iyo kung paano mo dapat isagawa ang katotohanan kapag ginagawa mo ang mga bagay-bagay o ginagampanan ang tungkulin mo. Ang mga ito ang mga taong walang anumang pagpasok sa buhay. Tanging sa pamamagitan lang ng tunay na pagkaunawa sa katotohanan at pagkaalam kung paano isasagawa ang katotohanan, na makikilatis mo ang iba’t ibang uri ng tao, makikita ang iba’t ibang sitwasyon nang malinaw, magagawa ang mga bagay nang alinsunod sa katotohanan, magawang matugunan ang mga hinihingi ng Diyos, at magiging mas lalong malapit sa mga layunin ng Diyos. Tanging sa pamamagitan lang ng paghahangad sa ganitong paraan na magkakamit ka ng mga resulta.
Sipi 45
Madalas na mayroong ilang negatibong kalagayan sa kalooban ng tao. May ilan sa mga kalagayang ito ang nakakaimpluwensiya sa mga tao o makakahadlang sa kanila. May ilan pang kalagayan na kayang ilihis ang isang tao mula sa tunay na daan at udyukan siyang tumahak sa maling direksyon. Ang hinahangad ng mga tao, ang pinagtutuunan nila ng atensyon, at kung anong landas ang pinipili nilang tahakin—ang lahat ng ito ay konektado sa kanilang mga panloob na kalagayan. Kung ang mga tao ay mahina o malakas ay lalo pang tuwirang konektado sa kanilang mga panloob na kalagayan. Halimbawa, maraming tao ngayon ang nagbibigay ng partikular na diin sa araw ng Diyos. Lahat sila ay ganito ang pagnanais: Nananabik sila para sa mabilis na pagdating ng araw ng Diyos nang sa gayon ay mapalaya nila ang kanilang sarili mula sa pagdurusang ito, sa mga karamdamang ito, sa pag-uusig na ito, at sa iba pang uri ng pasakit. Iniisip ng mga tao na kapag dumating na ang araw ng Diyos, maaalis na ang pasakit na dinaranas nila ngayon, na hindi na sila muling daranas ng mga paghihirap, at na magtatamasa sila ng mga pagpapala. Kung nais ng isang taong maunawaan ang Diyos o hangarin ang katotohanan mula sa ganitong uri ng kalagayan, magiging napakalimitado ng kanyang pag-usad sa buhay. Kapag may nangyari sa kanyang anumang kabiguan o mga hindi kanais-nais na bagay, ang lahat ng kahinaan, ang pagiging negatibo, at ang pagiging mapaghimagsik sa kalooban niya ay lalabas. Kaya, kung ang kalagayan ng isang tao ay abnormal o hindi tama, ang mithiin ng kanyang paghahangad ay hindi rin magiging tama at tiyak na magiging marumi. Nagsisikap kang makapasok mula sa mga maling kalagayan, ngunit iniisip mong maayos ang iyong ginagawa sa iyong paghahangad, na ginagawa mo ang mga bagay-bagay alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos, at nagsasagawa sila alinsunod sa katotohanan. Hindi ka naniniwala na sumalungat ka sa mga pagnanais ng Diyos o lumihis sa mga layunin Niya. Maaaring ganito ang maramdaman mo, ngunit kapag ang ilang hindi kaaya-ayang pangyayari o kapaligiran ay nagdudulot sa iyo ng ilang pagdurusa, nasasaling ang mga kahinaan mo, at ang mga bagay na minamahal mo at hinahangad sa kaibuturan ng puso mo, ikaw ay magiging negatibo, ang mga inaasam at pangarap mo ay mauuwi sa wala, at ikaw ay likas na magiging mahina. Kaya, ang kalagayan mo sa oras na iyon ang nagpapasya kung ikaw ay malakas o mahina. Sa ngayon, maraming tao ang nakakaramdam na sila ay may kalakasan, na sila ay mayroong kaunting tayog, at na sila ay mas mayroong pananampalataya kaysa rati. Iniisip nila na nagsimula sila sa tamang landas ng pananalig sa Diyos, at na hindi nila kailangan ang ibang tao upang hilahin o itulak sila rito. Sa kasong ito, bakit sila nagiging negatibo o mahina kapag nahaharap sila sa ilang kapaligiran o sa mga paghihirap? Bakit sila nagrereklamo at sa huli ay isinusuko ang kanilang pananampalataya? Nagpapakita ito na may ilang negatibo at abnormal na kalagayan sa kalooban ng bawat tao. Hindi madaling bitiwan ang ilang karumihan sa tao. Kahit na ikaw ay isang taong naghahangad sa katotohanan, hindi mo ganap na mabibitiwan ang mga ito. Ito ay dapat na gawin batay sa paglalantad ng salita ng Diyos. Pagkatapos pagnilay-nilayan at unawain ang kanilang sariling kalagayan, dapat ihambing ng mga tao ang mga ito sa salita ng Diyos, at lutasin ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Saka pa lamang unti-unting magbabago ang mga kalagayan nila. Hindi ito ang kaso na, kapag binasa ng mga tao ang mga salita ng Diyos, at naunawaan ang kanilang mga kalagayan, agad-agad nila itong mababago. Hangga’t ang mga tao ay madalas na nagbabasa ng mga salita ng Diyos, nakikita ang kanilang sariling kalagayan nang malinaw, at nananalangin sa Diyos at nagsisikap tungo sa katotohanan, kung gayon, kapag nagbubunyag silang muli ng katiwalian, o kapag sila ay nasa isang abnormal na kalagayan sa hinaharap, makikilala nila ito, at magagawa nilang manalangin sa Diyos, at gamitin ang katotohanan upang lutasin ang problema, at ang kanilang maling kalagayan ay mababaligtad at unti-unti silang makakapagbago. Sa ganitong paraan, nabibitiwan nila ang mga karumihan at ang mga bagay na dapat bitiwan na kinikimkim ng mga tao. Ang mga tao ay dapat na mayroong partikular na antas ng karanasan bago makamit ang mga resulta.
Simula nang manalig sa Diyos, hinahangad ng maraming tao ang mga pagpapala batay sa kanilang mga haka-haka at imahinasyon, at dahil dito ay nagiging negatibo at mahina sila kapag nahaharap sa mga bagay na hindi naaayon sa kanilang mga haka-haka. Nagsisimula silang pagdudahan ang Diyos at nagkakaroon pa nga ng mga haka-haka o maling akala tungkol sa Kanya. Kung walang nagbabahagi ng katotohanan sa kanila, hindi sila makakapanindigan, at maaaring pagtaksilan nila ang Diyos anumang oras. Hayaan mong bigyan Kita ng isang halimbawa. Sabihin nating ang isang tao ay palaging may kinikimkim na mga haka-haka at imahinasyon sa kanyang pananalig sa Diyos. Naniniwala ang taong ito na, basta’t tinatalikuran niya ang pamilya niya at ginagawa ang tungkulin niya, iingatan siya at pagpapalain ng Diyos, at kakalingain ang buhay ng pamilya niya, at na ito ang dapat na gawin ng Diyos. Pagkatapos, isang araw ay may nangyari sa kanya na hindi niya ninanais—nagkasakit siya. Ang mamuhay kasama ang pamilyang nagho-host sa kanya ay hindi kasing-komportable ng kung siya ay nasa sarili niyang tahanan, at marahil ay hindi siya naaalagaan nang husto ng nagho-host sa kanya. Hindi niya ito matanggap, at siya ay naging negatibo at pinanghinaan ng loob sa matagal na panahon. Hindi rin niya hinahangad ang katotohanan, at ni hindi niya kinikilala ang katotohanan. Nangangahulugan ito na mayroong ilang kalagayan ang mga tao sa kalooban nila, at, kung hindi nila makikilala, mauunawaan, at mararamdaman na ang mga kalagayang ito ay mali, kung gayon, bagamat maalab pa rin ang kanilang damdamin at madalas silang naghahangad, sa isang punto ay mahaharap sila sa isang pangyayari na maglalantad ng tunay nilang panloob na kalagayan, at dahil dito ay madarapa sila at mabibigo. Ito ang dulot ng kabiguang pagnilay-nilayan at kilalanin ang iyong sarili. Ang lahat ng hindi nakakaunawa sa katotohanan ay ganito; hindi mo alam kung kailan sila madarapa at mabibigo, kailan sila magiging negatibo at mahina, o kailan nila magagawang pagtaksilan ang Diyos. Tingnan mo kung gaano kalaking panganib ang dapat harapin ng mga hindi nakakaunawa sa katotohanan! Ngunit hindi isang simpleng bagay ang maunawaan ang katotohanan. Aabutin ng mahabang panahon bago ka magkamit sa wakas ng kaunting liwanag, magkaroon ng kaunting tunay na karunungan, at mauunawaan ang kaunting katotohanan. Kung ang mga intensyon sa kalooban mo ay labis na narumihan at hindi malutas, papatayin ng mga ito ang maliit na liwanag ng iyong pang-unawa sa lahat ng oras, at sisirain ang kakarampot na pananampalatayang mayroon ka, at ito ay tiyak na napakamapanganib. Sa ngayon, ang pangunahing isyu ay na ang lahat ng tao ay mayroong ilang haka-haka at imahinasyon sa puso nila tungkol sa Diyos, ngunit bago pa mabunyag ang mga ito, hindi nila kinikilala ang mga ito; nakatago ang mga ito sa kalooban nila, at hindi mo malalaman kung anong oras, o sa anong sitwasyon lalabas ang mga ito at magiging sanhi upang ang mga tao ay madapa. Bagamat ang lahat ng tao ay mayroong mabubuting hangarin, at nais na maging mabubuting mananampalataya at makamit ang katotohanan, ang kanilang mga intensyon ay labis nang narumihan at napakarami ng kanilang mga haka-haka at imahinasyon na labis na humahadlang sa kanila sa paghahangad sa katotohanan at pagtatamo ng buhay pagpasok. Nais nilang gawin ang mga bagay na ito ngunit hindi nila kaya. Halimbawa, mahirap para sa mga tao ang magpasakop kapag sila ay pinungusan; kapag sila ay sinubok o pinino, nais nilang makipagtalo sa Diyos. Sa tuwing sila ay nagkakasakit o nahaharap sa ilang sakuna, nagrereklamo sila tungkol sa Diyos sa hindi Niya pagprotekta sa kanila. Paano mararanasan ng mga ganitong tao ang gawain ng Diyos? Ni hindi nila naaabot ang pinakamababang pamantayan ng pagkakaroon ng pusong nagpapasakop sa Diyos, kaya paano nila makakamit ang katotohanan? Ang ilang tao ay nagiging negatibo kapag ang pinakamaliit na bagay ay hindi umaayon sa kanila; nadarapa sila dahil sa mga panghuhusga ng mga tao, at ipinagkakanulo nila ang Diyos kapag sila ay nadadakip. Totoong hindi kailanman malalaman ninuman kung ano ang nasa hinaharap, kung ito ba ay kasiyahan o pagkawasak. Ang bawat tao ay mayroong isang bagay sa kalooban nila na nais nilang hangarin at makamtan; mayroon silang mga bagay na gusto nila. Ang paghahangad sa mga bagay na gusto nila ay maaaring magdulot ng kasawiang-palad sa kanila, ngunit hindi nila ito nararamdaman, naniniwala pa rin sila na ang mga bagay na pinagsisikapan nila at gusto nila ay tama, at na walang mali sa mga bagay na ito. Ngunit kung darating ang isang araw kung kailan magaganap ang kasawiang-palad, at kukuhain sa kanila ang mga bagay na hinahangad at gusto nila, magiging negatibo sila at mahina, at mawawalan ng ganang kumilos. Hindi nila malalaman kung anong nangyari, magrereklamo sila na ang Diyos ay hindi naging patas, at lalabas ang kanilang pusong nagtataksil sa Diyos. Kung hindi kilala ng mga tao ang kanilang sarili, hindi nila malalaman kung nasaan ang kanilang kahinaan, ni hindi nila malalaman kung saan sila malamang na mabigo o madapa. Ito ay tunay na kahabag-habag. Kaya sinasabi natin na kung hindi kilala ng isang tao ang kanyang sarili, maaari siyang madapa o mabigo anumang oras, at idulot ang sarili niyang wakas.
Maraming tao ang nagsabi: “Nauunawaan ko ang bawat elemento ng katotohanan, ngunit hindi ko talaga maisagawa ang mga ito.” Inilalantad nito ang ugat kung bakit hindi isinasagawa ng mga tao ang katotohanan. Anong uri ng mga tao ang nakakaunawa sa katotohanan ngunit hindi ito naisasagawa? Tiyak na ang mga tao lang na tutol at namumuhi sa katotohanan ang hindi nakakapagsagawa nito, at ito ay isang problema sa kanilang kalikasan. Kahit na hindi nila nauunawaan ang katotohanan, ang mga taong nagmamahal sa katotohanan ay kikilos batay sa kanilang konsiyensiya, at hindi sila gagawa ng masama. Kung tutol sa katotohanan ang kalikasan ng isang tao, kung gayon ay hindi niya kailanman maisasagawa ang katotohanan. Ang mga taong tutol sa katotohanan ay nananalig lang sa Diyos upang magkamit ng mga pagpapala, hindi upang hangarin ang katotohanan at magkamit ng kaligtasan. Kahit na gawin nila ang kanilang mga tungkulin, hindi ito alang-alang sa pagkakamit sa katotohanan, kundi ganap na upang magkamit ng mga pagpapala. Halimbawa, ang ilang tao na inuusig at hindi makabalik sa kanilang mga tahanan ay nag-iisip sa kanilang puso, “Ako ay inuusig at hindi makabalik sa aking tahanan dahil sa aking pananalig sa Diyos. Balang araw ay bibigyan ako ng Diyos ng isang mas maayos na tahanan; hindi hahayaan ng Diyos na maging walang saysay ang pagdurusa ko,” o “Kung nasaan man ako, bibigyan ako ng Diyos ng makakain, at hindi Niya ako hahayaang lumakad sa isang daang walang patutunguhan. Kung hahayaan Niya akong lumakad sa isang daang walang patutunguhan, kung gayon ay hindi Siya ang tunay na Diyos. Hindi iyon gagawin ng Diyos.” Hindi ba’t umiiral ang gayong mga bagay sa kalooban ng tao? May ilang tao ring nag-iisip, “Tinalikuran ko ang pamilya ko upang gugulin ang sarili ko para sa Diyos, at hindi ako dapat na ihatid ng Diyos sa mga kamay ng mga nasa kapangyarihan; naghangad ako nang may maalab na damdamin, dapat akong pangalagaan at pagpalain ng Diyos. Labis tayong nananabik sa pagdating ng araw ng Diyos, kaya ang araw ng Diyos ay dapat na dumating sa lalong madaling panahon. Dapat tuparin ng Diyos ang mga ninanais ng tao.” Maraming tao ang nag-iisip nang ganito—hindi ba ito ang labis-labis na pagnanais ng tao? Ang mga tao ay palaging humihingi nang labis-labis sa Diyos, palaging iniisip: “Tinalikuran namin ang aming mga pamilya upang gawin ang aming mga tungkulin, kaya dapat kaming pagpalain ng Diyos. Kumilos kami alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos, kaya dapat kaming gantimpalaan ng Diyos.” Maraming tao ang nagkikimkim ng ganoong mga bagay sa puso nila bagamat naniniwala sila sa Diyos. Nakikita nila ang ibang tao na lumalayo sa mga pamilya nila at itinatakwil ang lahat ng bagay upang gugulin ang sarili nila para sa Diyos nang walang kahirap-hirap, at iniisip nila, “Iniwan nila ang mga pamilya nila nang ganoong katagal na panahon, paanong hindi sila nakararamdam ng pangungulila? Paano nila ito napagtatagumpayan? Bakit hindi ko ito mapagtagumpayan? Bakit hindi ko mabitiwan ang pamilya ko, asawa, at mga anak? Bakit mahabagin ang Diyos sa kanila at hindi sa akin? Bakit hindi nagkakaloob ang Banal na Espiritu ng biyaya sa akin o hindi nananahang kasama ko?” Anong kalagayan ito? Ang mga tao ay lubhang walang katwiran: hindi nila isinasagawa ang katotohanan at pagkatapos ay nagrereklamo sila tungkol sa Diyos, at hindi nila ginagawa ang dapat nilang gawin. Dapat piliin ng mga tao ang landas ng paghahangad sa katotohanan, ngunit sila ay tutol sa katotohanan, nananabik sila sa mga kasiyahan ng laman, at palagi nilang sinisikap na magkamit ng mga pagpapala at magtamasa ng biyaya, habang nagrereklamo na ang mga hinihingi ng Diyos sa tao ay sobra-sobra. Palagi nilang hinihingi sa Diyos na maging mahabagin sa kanila at na pagkalooban sila ng mas marami pang biyaya, at na hayaan silang makaramdam ng kasiyahan ng laman—sila ba ay mga taong tapat na naniniwala sa Diyos? Iniisip nila, “Tinalikuran ko ang pamilya ko upang gawin ang tungkulin ko at labis na akong nagdusa. Dapat maging mahabagin ang Diyos sa akin, upang hindi ako makaramdam ng pangungulila at upang magkaroon ako ng matibay na kapasyahan na tumalikod. Dapat bigyan Niya ako ng lakas, nang sa gayon ay hindi ako magiging negatibo at mahina. Ang ibang tao ay napakalakas, dapat gawin din akong malakas ng Diyos.” Ang mga salitang ito na binibigkas ng mga tao ay ganap na walang katwiran at walang pananalig. Binigkas ang lahat ng ito dahil ang labis-labis na hinihingi ng mga tao ay hindi natupad, kaya hindi sila nasisiyahan sa Diyos. Ang lahat ng ito ay mga bagay na nabubunyag mula sa kanilang puso, at ganap na kinakatawan ng mga ito ang kalikasan ng mga tao. Ang mga bagay na ito ay umiiral sa mga tao, at kung hindi iwawaksi ang mga ito, magdudulot pa ang mga ito na magreklamo at magkamali ng pagkaunawa ang mga tao sa Diyos sa anumang oras o saan mang lugar. Malamang na lapastanganin ng mga tao ang Diyos, at maaaring lisanin nila ang tunay na daan sa anumang oras at saan mang lugar. Ito ay lubhang natural. Nakikita na ba ninyo nang malinaw ang bagay na ito? Dapat malaman ng mga tao ang mga bagay na nabubunyag ng kanilang kalikasan. Ito ay napakaseryosong bagay na kailangang maingat na harapin, dahil ito ay sumasaling sa isyu ng kung ang mga tao ba ay matatag na makakapanindigan sa kanilang patotoo o hindi, at sa isyu ng kung sila ba ay magkakamit ng kaligtasan sa kanilang paniniwala sa Diyos. Ukol sa mga tao na nakakaunawa ng kaunting katotohanan, kung mapagtatanto nilang nagbubunyag sila ng mga bagay na ito, at kung, kapag natuklasan nila ang problemang ito, masusuri nila ito at masisiyasat, kung gayon ay malulutas nila ang problemang ito. Kung hindi nila mapagtatanto na ibinubunyag nila ang mga bagay na ito, kung gayon ay walang paraan upang malutas nila ang problemang ito, at maghihintay na lamang sila sa paglalantad ng Diyos o sa pagbubunyag ng mga katunayan. Hindi pinahahalagahan ng mga taong hindi nagmamahal sa katotohanan ang kahalagahan ng pagsusuri sa sarili. Palagi silang naniniwala na ito ay isang bagay na hindi mahalaga, at palalayawin ang kanilang sarili, habang iniisip, “Ganito ang lahat ng tao—ang kaunting pagrereklamo ay hindi malaking isyu. Patatawarin ito ng Diyos at hindi ito maaalala ng Diyos.” Hindi alam ng mga tao kung paano magninilay-nilay sa sarili o paano hahanapin ang katotohanan upang lutasin ang mga problema, hindi nila maisasagawa ang anuman sa bagay na ito. Silang lahat ay magulo ang isip, at talagang tamad, at umaasa at mahilig magpantasya. Nananabik sila: “Isang araw ay magdudulot ang Diyos ng lubusang pagbabago sa amin, at pagkatapos ay hindi na kami magiging tamad na gaya nito, kami ay magiging ganap na banal, at titingalain namin ang giting ng Diyos.” Ito ay isang isipin na hindi kapani-paniwala, at hindi talaga ito makatotohanan. Kung nasasambit ng isang tao ang ganitong uri ng haka-haka at imahinasyon pagkatapos na makarinig ng napakaraming sermon, kung gayon ay wala siyang kaalaman ukol sa gawain ng Diyos, at hanggang sa araw na ito, hindi pa rin niya nakikita nang malinaw kung paano inililigtas ng Diyos ang mga tao. Ang ganitong mga tao ay lubos na ignorante. Bakit ang sambahayan ng Diyos ay palaging nagbabahagi tungkol sa pagkilala sa sarili at pagkilala sa disposisyon ng Diyos? Ito ay napakahalaga para sa bawat tao. Kung talagang nakikita mo nang malinaw kung paano inililigtas ng Diyos ang mga tao, kung gayon ay dapat mong ituon ang iyong pansin sa pagkilala sa sarili mo, at dapat mong madalas na pagnilay-nilayan ang sarili—saka ka pa lamang magkakaroon ng tunay na buhay pagpasok. Kapag napagtanto mo na ikaw ay naglalantad ng katiwalian, magagawa mo bang hanapin ang katotohanan? Magagawa mo bang manalangin sa Diyos, at maghimagsik laban sa laman? Ito ay kinakailangan para sa pagsasagawa ng katotohanan, at ito ay isang mahalagang hakbang. Kung, sa lahat ng nangyayari sa iyo, at sa lahat ng ginagawa mo, ay kaya mong magkaroon ng kamalayan ukol sa kung paano magsasagawa sa paraang naaayon sa katotohanan, magiging madali para sa iyo na isagawa ang katotohanan, at magkakaroon ka ng buhay pagpasok. Kung hindi mo magagawang makilala ang sarili mo, paano uusad ang buhay mo? Kung, kahit gaano ka pa kanegatibo at kahina, hindi ka nagninilay-nilay sa sarili at hindi mo kinikilala ang sarili mo, o hindi ka nananalangin sa Diyos, kung gayon ay pinatutunayan lamang nito na hindi mo minamahal ang katotohanan, na hindi ka isang taong naghahangad sa katotohanan, at na hindi mo kailanman makakamit ang katotohanan.
Inisip ng ilang tao dati: “Nananabik kami sa mabilis na pagbagsak ng malaking pulang dragon at umaasa kami na ang araw ng Diyos ay darating nang mabilis. Hindi ba’t mga lehitimong kahilingan ang mga ito? Ang pananabik ba para sa dagling pagdating ng araw ng Diyos ay hindi katulad sa pananabik para maihatid sa Diyos ang kaluwalhatian sa lalong madaling panahon?” Pasimple silang nakakahanap ng ilang magandang pakinggan na mga paraan upang ipahayag ito, ngunit ang totoo, inaasam lamang nila ang mga bagay na ito para sa sarili nila. Ano ang pananabikan nila, kung hindi nila ito ginagawa para sa sarili nilang kapakanan? Ang pinananabikan lamang ng mga tao ay ang mabilis silang mapalaya mula sa mga miserableng kapaligiran nila at sa mundong ito na puno ng pasakit. May ilang tao sa partikular na nakikita ang mga pangakong ibinigay dati sa mga panganay na anak na lalaki ng Diyos at mayroon silang labis na pagkauhaw para dito. Sa tuwing nababasa nila ang mga salitang iyon, ito ay tulad ng pagpawi nila sa kanilang pagkauhaw sa pamamagitan ng pagpapantasya. Ang mga makasariling pagnanasa sa kalooban ng tao ay hindi pa lubos na nabibitiwan, kaya paano mo man hinahangad ang katotohanan, ito ay magiging walang sigla. Maraming tao na hindi hinahangad ang katotohanan ang palaging nananabik para sa pagdating ng araw ng Diyos nang sa gayon ay maalis na ang kanilang pagdurusa at matamasa na nila ang mga pagpapala ng kaharian ng langit. Kapag hindi ito dumating, labis silang nasasaktan, at sumisigaw ang ilan: “Kailan darating ang araw ng Diyos? Hindi pa ako ikinakasal, hindi na ako makakapaghintay pa! Kailangan kong magpakita ng paggalang sa mga magulang ko, hindi ko na ito kaya! Kailangan ko pa ring magkaanak upang maalagaan nila ako pagtanda ko! Ang araw ng Diyos ay dapat nang magmadali at dumating! Sama-sama nating ipanalangin ito!” Paanong nagagawa ng mga taong naghahangad sa katotohanan na sumunod hanggang ngayon nang walang kahit isang reklamo? Hindi ba sila ginagabayan ng salita ng Diyos, at sinusuportahan ng salita ng Diyos? Napakaraming karumihan sa kalooban ng mga tao, magagawa ba nilang huwag tanggapin ang pagpipino? Kung walang pagdurusa, paano sila makakapagbago? Kailangan mapino ang mga tao sa isang partikular na antas, at maging handang hayaan ang Diyos na mamatnugot sa kanila, nang walang kahit isang reklamo—iyan ang oras na sila ay lubusang mababago.
Sipi 46
Sa tiwaling sangkatauhan, ang kalikasang diwa ng mga tao ay pareho, bukod sa muling nagkatawang-taong mga demonyo o mga sinapian ng masasamang espiritu. May ilang taong palaging gustong pag-aralan kung anong mga espiritu ang nasa iba’t ibang uri ng tao, pero hindi ito makatotohanan; ang pagtutok dito ay madaling humantong sa mga paglihis. Ang ilang mga tao ay palaging nararamdaman na may mali sa kanilang espiritu dahil nakaranas sila ng ilang mahiwagang kaganapan, habang iniisip naman ng iba na may problema ang kanilang espiritu dahil hindi nila kayang magbago kailanman. Sa katunayan, may problema man o wala ang espiritu ng isang tao, ang kalikasan ng tao ay pareho—nilalabanan at ipinagkakanulo nito ang Diyos. Ang lawak ng katiwalian ng mga tao ay halos pareho rin, gayundin ang mga pagkakapareho sa kanilang kalikasan. Palaging pinaghihinalaan ng ilang tao na may mali sa kanilang espiritu at nagtataka, “Paanong nagawa ko ang ganoong bagay? Hindi ko lubos maisip! May mali ba sa espiritu ko?” Nagdududa pa nga sila kung sila ba ay hinirang ng Diyos, at dahil dito ay lalo pa silang nagiging negatibo. Ang ilang tao ay nakakaunawa nang dalisay sa mga bagay-bagay at, ano man ang kanilang ginawa, nakatuon lamang ang pansin nila sa paghahanap ng katotohanan at pagninilay-nilay sa kanilang mga sarili nang naaayon sa mga salita ng Diyos: “Paanong nagawa ko ito? Anong disposisyon ang inihayag ko? Anong kalikasan ang kumokontrol dito? Paano ako kikilos alinsunod sa katotohanan?” Sa pagninilay sa iyong sarili nang ganito, madaling maunawaan ang katotohanan at makahanap ng landas ng pagsasagawa, gayundin ang pagkamit ng kaalaman sa sarili. Ang mga pamamaraan at landas ng pagsusuri sa sarili ng lahat ng tao ay magkakaiba; ang ilan ay nakatuon ang pansin sa paghahanap sa katotohanan at pagkakilala sa kanilang sarili, habang ang iba ay palaging nakatuon ang pansin sa mga malabo at hindi makatotohanang bagay, na nagpapahirap sa pagsulong at nagpapadali sa pananatili sa pagiging negatibo. Kailangan mong maunawaaan ngayon na anuman ang iyong espiritu, walang sinuman ang makakakita o makahahawak sa mga bagay ng espiritu, kaya ang pagbibigay ng labis na pansin sa bagay na ito ay magiging hadlang lang sa mga bagay-bagay. Ang pangunahing bagay na dapat pagtuunan ng pansin sa sangkatauhan ay ang kalikasang diwa, na nauugnay sa pagkilatis sa mga tao, at kung kaya mong kilatisin ang kalikasang diwa ng mga tao, kung gayon kaya mo ring kilatisin ang mga tao mismo. Ang makita nang malinaw kung anu-anong mga bagay ang umiiral sa kalikasang diwa ng isang tao, anong mga tiwaling disposisyon ang maaaring mahayag, at anong mga aspekto ng katotohanan ang kinakailangan para lutasin ang mga ito—ito ang pinakamahalagang bagay na dapat pagtuunan ng pansin kapag nananampalataya sa Diyos. Tanging sa pagdanas lamang ng gawain ng Diyos sa ganitong paraan maaaring makamit ng isang tao ang katotohanan at malinis ang kanyang tiwaling disposisyon. Ngunit paano ba kikilalanin ang sarili? Paano kikilalanin ang sariling kalikasan ng isang tao? Makikita ng isang tao kung ano ang kanyang kalikasang diwa batay sa mga disposisyon na kanyang inihahayag sa pamamagitan ng kanyang mga kilos, kaya ang susi sa pagkilala sa sarili ay ang pagkilala sa sariling tiwaling disposisyon. Sa pamamagitan lamang nito mauunawaan ng isang tao ang kanyang kalikasang diwa, at upang makita ito nang malinaw ay dapat niyang maunawaan nang lubusan ang kanyang sarili. Ang pagkilala sa sarili ay isang malalim na gawain, at ang susi kung maliligtas ba ang isang tao ay kung paano niya nakikilala ang kanyang sarili. Tanging kapag tunay na nakikilala ng isang tao ang kanyang sarili na siya ay tunay na magsisisi, madaling matatanggap ang katotohanan, at makakahakbang sa landas patungo sa kaligtasan. Imposible para sa mga hindi nakakakilala ang kanilang sarili na tanggapin ang katotohanan, lalo pa ang tunay na magsisi. Ang pangunahing isyu, samakatuwid, ay ang maunawaan ang sariling tiwaling disposisyon ng isang tao. Huwag na huwag hangarin ang huwad na espirituwalidad; ang palaging pagtutuon sa kung ano ang espiritu ng isang tao ay madaling mailihis at madaling malinlang o mapinsala ang mga tao. Makatotohanan para sa mga tao na pagtuunan ang pagkakilala sa kanilang sarili, maunawaan ang kanilang tiwaling disposisyon, at makita nang malinaw ang kalikasang diwa ng tao, at ang lahat ng ito ay magiging kapaki-pakinabang sa paglutas sa problema ng tiwaling disposisyon at sa mga taong naghahangad sa katotohanan at nagkakamit ng kaligtasan ng Diyos.
Ang kalikasang diwa ng sangkatauhan, matapos itong gawing tiwali ni Satanas, ay halos pareho, na may maliit na pagkakaiba lamang. Ito ay dahil ang lahat ay may parehong ninuno, namumuhay sa parehong mundo, at nakaranas ng parehong katiwalian. Lahat sila ay may mga bagay na magkapareho. Gayunpaman, kaya ng ilang tao na gumawa ng isang uri ng bagay sa isang kapaligiran, at kaya ng ilang tao na gumawa ng ibang uri ng bagay sa ibang kapaligiran; ang ilang tao ay medyo pino ang asal, dahil may pinag-aralan, at ang ilang tao ay walang modo, dahil walang pinag-aralan; ang ilang tao ay may isang uri ng pananaw sa mga bagay-bagay, ang iba ay may ibang uri ng pananaw sa mga bagay-bagay; ang ilan ay namumuhay sa isang uri ng kapaligirang panlipunan, at ang ilan ay namumuhay sa ibang uri ng kapaligirang panlipunan, at mayroon silang magkakaibang namanang kaugalian at gawi sa pamumuhay. Ang diwa ng mga bagay na inihayag sa kalikasan ng tao, gayunpaman, ay magkapareho ang lahat. Kaya hindi mo na kailangan pang palaging mag-alala sa kung anong uri ng espiritu ang tinataglay mo, o palaging mag-alala kung ito ba ay masamang espiritu. Ito ay isang bagay na hindi kayang abutin ng tao; ang Diyos lamang ang maaaring makaalam nito, at walang maitutulong sa tao na malaman ito kahit pa kaya niya. Walang pakinabang sa palaging pagnanais na himayin o isiping mabuti ang espiritu ng isang tao; ito ay isang bagay na ginagawa ng mga taong pinakamangmang at pinakalito. Huwag mong pagdudahan ang sarili mo kapag nakagawa ka ng mali o sumalangsang ka sa ilang paraan, na sinasabing: “Mayroon bang mali sa espiritu ko? Ito ba ay gawa ng masamang espiritu? Paano ko nagawa ang kakatwang bagay na ito?” Anuman ang gawin mo, dapat mong tingnan ang iyong kalikasan para sa ugat ng problema, at hanapin ang mga katotohanang dapat pasukin ng mga tao. Kung susuriin mo ang iyong espiritu, wala kang mapapala—kahit na malaman mo pa kung anong uri ng espiritu ang mayroon ka sa loob mo, hindi mo pa rin makikilala ang iyong sariling kalikasan, ni malulutas ang iyong mga problema. Samakatuwid, palaging pinag-uusapan ng ilang tao ang tungkol sa kung anong espiritu ang mayroon sila na para bang sila ay napaka-espirituwal o propesyonal, pero sa katunayan ay mas baguhan at hangal pa sila. May ilang tao na nagsasalita nang masyadong espirituwal, iniisip na ang mga salitang sinasabi nila ay napakalalim, at na hindi ito mauunawaan ng mga ordinaryong tao. Sinasabi nila, “Mahalaga na suriin natin kung ano ang ating mga espiritu. Kung wala tayong mga espiritung pantao, kahit na maaaring manampalataya tayo sa Diyos, hindi tayo maliligtas. Huwag nating hayaang magkaroon ng pagtutol ang Diyos sa atin.” May ilang taong nalalason at naililigaw kapag naririnig nila ito, labis nilang nararamdaman na ang mga salitang ito ay makatwiran, at sinisimulan nilang suriin kung anong uri ng espiritu mayroon sila. Dahil nagbibigay sila ng gayong partikular na pansin sa kanilang espiritu, nagiging matatakutin sila, sinusuri ang kanilang espiritu kapag may ginagawang kahit ano, at sa kalaunan ay natutuklasan nila ang isang problema: “Bakit ako sumasalungat sa katotohanan sa lahat ng ginagawa ko? Bakit wala akong kahit katiting na pagkatao o katwiran? Malamang isa akong masamang espiritu.” Sa katunayan, sa pagkakaroon ng masamang kalikasan at walang katotohanan, paano makakagawa ang tao ng anumang alinsunod sa katotohanan? Gaano man kabuti ang kanilang mga kilos, hindi pa rin nila isinasagawa ang katotohanan, at mga mapanlaban pa rin sila sa Diyos. Ang kalikasan ng tao ay masama, at ginawang tiwali at pinroseso ni Satanas; wala talaga silang wangis ng tao, lubos silang naghihimagsik sa Diyos at lumalaban sa Kanya, at napakalayo nila sa Diyos na hindi posibleng gumawa sila ng anumang bagay na umaayon sa mga layunin ng Diyos. Walang bagay na nasa katutubong kalikasan ng tao ang tugma sa Diyos. Ang lahat ng ito ay malinaw.
Palaging sobrang sensitibo ang ilang tao at naglalagay ng malaking kahalagahan sa kung mayroon ba silang espirituwal na pang-unawa, o kung sa anong uri ng espiritu sila nabibilang, habang isinasantabi ang usapin ng pag-unawa sa kanilang kalikasan. Ito ay katulad ng pamumulot ng mga buto ng sesame para lang mawalan ng isang pakwan. Hindi ba’t kahangalan ang sunggaban ang ilusyon habang pinababayaan ang tunay? Sa mga taong ito ng pag-aaral, lubusan mo bang naunawaan ang mga bagay ng espiritu o ang mga bagay ng kaluluwa? Nakita mo ba kung anong tulad ng iyong espiritu? Kung hindi mo susuriin ang mga bagay ng kalikasang diwa sa kaibuturan ng iyong kaluluwa at sa halip ay lagi mong pinag-aaralan ang iyong espiritu, magbubunga ba ng anumang resulta ang iyong pag-aaral? Hindi ba’t ito ay tulad ng isang bulag na nagsisindi ng kandila at sinasayang ang wax? Isinasantabi mo ang iyong mga tunay na paghihirap at hindi mo iniisip kung paano malulutas ang mga ito, palagi kang gumagamit ng mga baluktot na pamamaraan at palaging iniisip kung anong uri ng espiritu mayroon ka, pero malulutas ba nito ang anumang problema? Kung nananalig ka sa Diyos ngunit hindi mo hinahangad ang katotohanan, hindi gumagawa ng matapat na gawain pero laging pinag-aaralan ang iyong espiritu, ikaw ang pinakahangal na tao. Ang tunay na matatalinong tao ay mayroong sumusunod na saloobin: “Anuman ang gawin ng Diyos o kung paano Niya ako tratuhin, gaano man kalalim ang aking pagiging tiwali o kung ano ang pagkatao ko, hindi ako matitinag sa determinasyon kong hangarin ang katotohanan at naising kilalanin ang Diyos.” Sa pagkakilala lamang sa Diyos malulutas ng isang tao ang kanyang tiwaling disposisyon at maisasagawa ang kanyang tungkulin para tuparin ang mga layunin ng Diyos; ito ang direksyon para sa buhay ng tao, ito ang dapat na ninanais na makamit ng mga tao, at ito ang nag-iisa at natatanging landas sa kaligtasan. Ngayon, ang makatotohanan ay ang paghahangad sa katotohanan pagkakilala sa sarili mong tiwaling kalikasan, pag-unawa sa katotohanan para maiwaksi ang iyong tiwaling disposisyon, at pagsasagawa ng iyong tungkulin nang maayos para sa kasiyahan ng Diyos. Ang pagpasok sa katotohanang realidad at pagsasabuhay ng wangis ng isang tunay na tao—ito ang makatotohanan. Ang makatotohanan ay ang pagmamahal sa Diyos, pagpapasakop sa Diyos, at pagpapatotoo sa Diyos. Ito ang mga resultang gusto ng Diyos. Walang kabuluhang magsaliksik ng mga bagay na hindi mahahawakan o makikita. Walang kinalaman ang mga ito sa kung ano ang makatotohanan, at wala ring kinalaman ang mga ito sa mga epekto ng gawain ng Diyos. Dahil ikaw ngayon ay umiiral sa isang pisikal na katawan, dapat mong hangarin ang pag-unawa sa katotohanan, na ginagampanan nang maayos ang iyong tungkulin, nagiging isang tapat na tao, at binabago ang iyong disposisyon. Ang lahat ng ito ay mga bagay na maisasakatuparan ng karamihan sa mga tao.
May ilang taong malinaw na nagtataglay ng gawain ng masasamang espiritu at maaaring sinasapian ng mga ito. Maaari bang maligtas ang isang taong gaya nito sa pamamagitan ng pananalig sa Diyos? Mahirap masabi ito, at depende kung siya ba ay kumikilos nang makatwiran at may normal na kalagayan ng pag-iisip. Ang pinakamahalagang bagay ay kung nauunawaan ba niya o hindi ang katotohanan at naisasagawa ito. Kung hindi niya matutugunan ang pamantayang ito, walang paraan para siya ay maligtas. Ngayon, lahat kayo ay may normal na katwiran, nagsasalita nang normal, at hindi nakaranas ng anumang mahiwaga o abnormal na pangyayari. Kahit na minsan ang inyong mga kalagayan ay medyo abnormal at ang ilan sa inyong mga pamamaraan ng paggawa ng mga bagay-bagay ay mali, ang lahat ng ito ay mga paghahayag ng kalikasan ng tao. Sa katunayan, pareho lang ito para sa ibang tao—magkakaiba lang ang pinagmulan at ang tiyempo ng kanilang mga paghahayag. Tila ngayon ay mayroon kayong mababang tayog, at matapos mapakinggan ang ibang magsalita tungkol sa mga bagay at pahayag ng espiritu, gumagaya at sumusunod lang kayo, na para bang nauunawaan ninyo mismo nang maayos ang mga bagay ng espiritu at na kayo ay gayon dakilang tao. Ang Diyos lang ang nakakaalam at nagkokontrol sa mga bagay ng espirituwal na mundo, at sapat na kung nauunawaan ng mga tao ang kahit kaunti sa Kanyang mga salita, kaya paano lubusang mauunawaan ng sinuman ang espirituwal na mundo? Hindi ba’t madaling maligaw sa palaging pag-iisip ng mga ganoong bagay? Ang mga tao ngayon ay lahat mayroong ganitong kalagayan sa kalooban nila. Bagama’t maaaring hindi mo palaging seryosong tinatalakay ang mga bagay na ito, at maaaring hindi ka nanghihina o bumabagsak dahil sa mga ito, maaari ka pa ring pansamantalang maapektuhan ng mga gayong salita ng iba. Kahit na maaaring hindi mo masyadong binibigyan ng pansin ang ganitong uri ng bagay, madali ka pa ring maimpluwensiyahan sa pagtutuon sa mga bagay ng espiritu sa iyong puso, at sakaling dumating ang araw na tunay mong ginagawa ang ilang bagay nang mali, dumanas ng dagok at nadapa, dapat mong pagdudahan ang iyong sarili, na sinasabing: “Mali rin ba ang espiritu ko?” Kadalasang hindi ka nag-aalinlangan, at iniisip na kakatwa ang iba kapag nakikita mo silang lugmok sa pag-aalinlangan. Ngunit kung dumating ang isang araw na pungusan ka, o sasabihin ng ibang taong ikaw ay Satanas, o na ikaw ay masamang espiritu, paniniwalaan mo ito, at tulad nila ay malulugmok ka rin sa pag-aalinlangan, hindi magawang mapalaya ang sarili. Sa katunayan, karamihan ng tao ay madaling magkaroon ng ganitong problema, nakikita ang mga bagay ng espiritu bilang napakahalaga at pinababayaan ang mga bagay tulad ng pag-unawa sa kanilang sariling kalikasan o buhay pagpasok. Ginagawa sila nitong lubusang nakahiwalay sa realidad at ito ay paglihis na batay sa karanasan.
Dapat ninyong lahat na bigyang pansin ang pagkakilala sa inyong sariling kalikasan, at kung aling mga aspekto ng inyong kalikasan ang madaling magbubunsod sa inyong gumawa ng mga maling bagay o maligaw, at dapat ibuod ninyo, batay rito, ang karanasan at mga aral. Partikular na pagdating sa paglilingkod, buhay karanasan, at pagkakilala sa inyong sariling kalikasan, tanging sa unti-unting pagpapalalim ng kaalaman na magagawa ninyong maarok ang inyong sariling kalagayan at lumago sa tamang direksyon. Kung kaya mong taglayin ang mga aspekto ng katotohanang ito, at gawing panloob na buhay mo ang mga ito, magiging mas lalo kang matatag, hindi na gagawa ng mga iresponsable at basta-bastang pahayag tungkol sa mga bagay na hindi mo nauunawaan, magtutuon sa realidad ng iyong mga salita, at magbabahagi tungkol sa mga tunay na bagay. Kapag nagkamit ang mga tao ng mas malalim na kaalaman ng kanilang sariling kalikasan at ng mas malalim na pagkaunawa ng katotohanan, mas magsasalita pa sila ng may pagpapahalaga sa kagandahang-asal, at hindi na magsasalita nang basta-basta. Ang mga taong walang katotohanan ay palaging walang pang-unawa at nangangahas silang sabihin ang kahit na ano; mayroon pa ngang ilang tao na, kapag nagpapalaganap sila ng ebanghelyo, para sa pagpapabalik-loob ng ilan pang tao, ay hindi nag-aalinlangang sumunod sa mga relihiyosong tao at nagsasalita ng kalapastanganan sa Diyos. Wala silang ideya kung ano sila, o ng pang-unawa ng sarili nilang kalikasan, at hindi sila natatakot sa Diyos. May ilang taong naniniwalang hindi ito mahalaga, pero hindi nga ba ito mahalaga? Kapag dumating ang araw na napagtanto nila ang kaseryosohan ng problema, sila ay matatakot. Nakakakilabot na bagay ang magawa ito! Hindi nila nakikita ang diwa ng bagay na ito, at iniisip pa nilang napakatalino nila at na nauunawaan nila ang lahat ng bagay; pero wala silang kamalay-malay na sinasalungat nila ang Diyos at walang kamalay-malay kung paano sila mamamatay. Walang saysay na unawain mo ang lahat ng bagay na may kinalaman sa impiyerno o sa espirituwal na mundo kung hindi mo kilala ang sarili mong kalikasan. Ang susi ngayon ay ang lutasin ang mga problema ng pagkakilala sa sarili at ng pagkilala sa kalikasang diwa ng isang tao. Dapat mong unawain ang bawat isa sa mga kalagayang inihayag ng iyong kalikasan—kung hindi mo magagawa ito, ang anumang iba pang pang-unawa ay walang silbi; ang lahat ng ito ay walang silbi gaano mo man suriin ang iyong sarili para makita kung anong uri ng espiritu o kaluluwa ang mayroon ka. Ang susi ay ang maarok ang iba’t ibang bagay sa iyong kalikasan na talagang umiiral saiyo. Ngayon, anumang espiritu ang nasa iyo, isa ka na ngayong taong may normal na pag-iisip, kaya dapat mong hangarin ang pang-unawa at pagtanggap sa katotohanan. Kung kaya mong unawain ang katotohanan, dapat kang kumilos alinsunod sa katotohanan—ito ang tungkulin ng tao. Ang pag-iisip ng mga bagay ng espiritu ay walang silbi sa iyo, at ito ay walang saysay at walang pakinabang. Sa panahon ngayon, ang mga taong may gawain ng masasamang espiritu ay nabubunyag sa mga iglesia sa lahat ng lugar. May pag-asa pa ang mga taong ito kung mauunawaan nila ang katotohanan, ngunit kung hindi nila mauunawaan o matatanggap ang katotohanan, sila ay mapapaalis lamang. Kung mauunawaan ng isang tao ang katotohanan, ipinapakita nito na mayroon pa rin siyang normal na katwiran, at kung mauunawaan niya ang mas maraming katotohanan, hindi siya magagawang iligaw o kontrolin ni Satanas, at may pag-asang siya ay maliligtas. Kung siya ay sinasapian ng mga demonyo at kadalasan ang kanyang katwiran ay hindi masyadong normal, siya ay ganap nang tapos at kailangan nang paalisin para maiwasan ang problema. Para sa sinumang mayroong medyo normal na katwiran, anumang espiritu ang mayroon siya, hangga’t mayroon siyang kaunting espirituwal na pang-unawa, at kaya niyang unawain at tanggapin ang katotohanan, mayroon siyang pag-asa sa kaligtasan. Bagama’t maaaring walang kakayahan ang taong tanggapin ang katotohanan, kung nakikinig nang mabuti ang isang tao sa mga sermon, nakakaintindi at nakakaunawa kapag nagbabahaginan tungkol sa katotohanan, at may normal na pag-iisip at hindi kakatwa, may pag-asa siyang makamit ang kaligtasan. Pero natatakot Ako na may mga taong walang espirituwal na pang-unawa o hindi nauunawaan ang mga salita ng tao, at hindi nakakaunawa gaano man magbahagi ng katotohanan sa kanila ang iba; ang mga taong ito ay mapanggulo at hindi kayang magtrabaho kahit bilang mga trabahador. Gayundin, ang mga nananalig sa Diyos ay dapat na nakatuon lamang sa katotohanan at sa kanilang paghahangad nito. Hindi sila dapat patuloy na tumutuon sa pag-uusap, pag-aaral, o pag-unawa tungkol sa espiritu. Ito ay kakatwa at kakutya-kutya. Ang susi ngayon ay kung matatanggap ng isang tao ang katotohanan, mauunawaan ang katotohanan, at makakapasok sa mga realidad. Ito ay susi, pero kung makikilala ng isang tao ang kanyang sarili at mapagninilayan ang kanyang sarili, at kung siya ay isang taong nakakaunawa sa kanyang sariling kalikasan ay ang pinakamahalaga! Walang kabuluhan at lalong walang halaga ang pag-aralan kung ano ang iyong sariling espiritu. Kung lagi mong pinag-aaralan ang mga bagay na tulad ng kung ano ang iyong espiritu, kung anong nangyayari sa iyong kaluluwa, kung anong espiritu mayroon ka, kung mataas na uri o mababang uring espiritu ang mayroon ka, kung mula sa aling espiritu ka muling nagkatawang-tao, kung ilang beses ka nang bumalik dati, kung ano ang iyong magiging kalalabasan sa huli, o kung ano ang naroroon sa hinaharap—ang palaging pag-aaral sa mga bagay na ito ay makakasagabal sa mahahalagang bagay. Kahit na pag-aralan mo pa nang mabuti ang mga ito, kapag dumating ang araw na maunawaan ng iba ang katotohanan at pumasok sa mga realidad, ikaw ay walang kahit ano. Nakasagabal ka sa mahahalagang bagay at ikaw ang nagdala nito sa iyong sarili. Natahak mo ang maling landas at nanalig sa Diyos nang walang kabuluhan. Sino ang sisisihin mo pagkatapos? Walang silbi ang sisihin ang sinuman; ang lahat ng ito ay idinulot ng iyong sariling kamangmangan.
Sipi 47
Nakikita na ba ninyo nang malinaw ngayon kung paano susundan ang Diyos at tatahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan? Tungkol ba talaga saan ang pananalig sa Diyos at pagsunod sa Diyos? Tungkol ba ito sa pagtalikod sa ilang bagay, paggugol ng sarili para sa Diyos at pagtitiis ng kaunting hirap, at pagsunod sa Diyos hanggang sa dulo ng landas, at iyon na iyon? Makakamtan ba ng isang tao ang katotohanan sa pamamagitan ng pagsunod sa Diyos sa ganitong paraan? Makakamtan ba ng isang tao ang kaligtasan? Malinaw ba sa inyong mga puso ang mga bagay na ito? Iniisip ng ilang tao na sa sandaling maranasan ng isang tao ang mahatulan, makastigo, at mapungusan, o pagkatapos mabunyag ang kanyang tunay na kulay, ang kanyang kahihinatnan ay nakatakda na, at siya ay nakatadhana nang hindi magkaroon ng pag-asang maligtas. Karamihan sa mga tao ay hindi nakikita nang malinaw ang bagay na ito, nag-aalinlangan sila sa sangang-daan, hindi alam kung paano maglalakad sa hinaharap na landas. Hindi ba’t ibig sabihin nito ay wala pa rin silang tunay na kaalaman sa gawain ng Diyos? Iyon bang mga laging may pagdududa tungkol sa gawain ng Diyos at pagliligtas ng Diyos sa tao ay mayroong anumang tunay na pananampalataya man lang? Karaniwan, kapag ang ilang tao ay kailangan pa lamang pungusan at hindi pa nakakaranas ng mga problema, pakiramdam nila ay dapat nilang sikaping matamo ang katotohanan at tugunan ang mga layunin ng Diyos sa kanilang pananampalataya. Gayunpaman, sa sandaling magkaroon sila ng kaunting problema o anumang paghihirap, lumalabas ang kanilang likas na kataksilan, na nakasusuklam makita. Pagkatapos, sila man ay nasusuklam din, at sa huli ay hinahatulan nila ang kanilang sariling kalalabasan, sinasabing, “Tapos na ang lahat sa akin! Kung kaya kong gawin ang gayong mga bagay, hindi ba ibig sabihin niyan ay malalagot na ako? Hindi ako ililigtas ng Diyos kailanman.” Maraming tao ang nasa ganitong kalagayan. Masasabi pa nga na ganito ang lahat ng tao. Bakit hinahatulan ng mga tao ang kanilang sarili nang ganito? Pinatutunayan nito na hindi pa rin nila nauunawaan ang layunin ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan. Ang minsanan lang na pagpupungos ay maaaring humantong na maging negatibo ka sa matagal na panahon, hindi makaahon, hanggang sa puntong baka isuko mo na ang iyong tungkulin; kahit sa maliit na sitwasyon lang ay maaari ka nang matakot kung kaya’t hindi mo na ipagpapatuloy ang paghahangad sa katotohanan, at hindi ka na makakaalis. Na para bang ang mga tao ay masigasig lamang sa kanilang paghahangad kapag pakiramdam nila ay wala silang kapintasan at walang dungis, gayunpaman kapag natuklasan nilang sila ay labis na tiwali ay hindi na nila kayang ipagpatuloy pa ang paghahangad sa katotohanan. Maraming tao ang nagsabi na ng mga salita ng pagkabigo at pagkanegatibo tulad ng, “Tiyak na katapusan na ito para sa akin; hindi ako ililigtas ng Diyos. Kahit na patawarin pa ako ng Diyos, hindi ko kayang patawarin ang aking sarili; hindi ko kayang magbago kailanman.” Hindi nauunawaan ng mga tao ang layunin ng Diyos, na nagpapakita na hindi pa rin nila alam ang Kanyang gawain. Sa katunayan, natural para sa mga tao na minsan ay magpakita ng ilang tiwaling disposisyon sa kabuuan ng kanilang mga karanasan, o na umakto sa paraang hindi dalisay, o na iresponsable, o pabasta-basta at walang katapatan. Ito ay dahil sa ang mga tao ay may mga tiwaling disposisyon; ito ay hindi maiiwasang batas. Kung hindi dahil sa mga pagbubunyag na ito, bakit sila matatawag na mga tiwaling tao? Kung hindi tiwali ang mga tao, walang magiging kabuluhan ang gawain ng Diyos na magligtas. Ang problema ngayon, dahil hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan o tunay na nauunawaan ang kanilang mga sarili, at dahil hindi nila malinaw na nakikita ang kanilang sariling mga kalagayan, kinakailangan nilang ipahayag ng Diyos ang Kanyang mga salita ng paglalantad at paghatol para makita nila ang liwanag. Kung hindi, mananatili silang manhid at mahina ang ulo. Kung hindi gumagawa ang Diyos sa ganitong paraan, hindi magbabago ang mga tao kailanman. Kahit ano pa man ang kahirapang dumating sa inyo sa bawat yugto, magbabahagi Ako sa inyo tungkol sa katotohanan, na magbibigay ng kaliwanagan at gabay, at hangga’t kaya ninyong tumahak sa tamang daan, iyon ay sapat na. Kung hindi, ang mga tao ay laging lilihis patungo sa sukdulan. Lagi silang tatahak sa mga landas na walang labasan, nang walang daan pasulong, at nang hinahatulan ang kanilang mga sarili habang sila ay naglalakad. Kapag nagsisimula pa lamang na maranasan ng mga tao ang gawain ng Diyos, hindi pa nila nauunawaan ang kanilang mga sarili. At pagkatapos na mabigo at mabunyag nang ilang beses, sa huli, hinahatulan pa rin nila ang kanilang mga sarili. Ang sabi nila: “Ako ay isang diyablo; ako ay isang Satanas! Tapos na ang lahat para sa akin. Wala nang pag-asa na ako ay maliligtas pa. Hindi na ako maililigtas.” Talaga ngang napakarupok ng tao at may kahirapan na pakitunguhan, at lilihis sila patungo sa sukdulan habang patuloy na naglalakad. Kapag hindi nakikita ng mga tao na napakalalim ng kanilang katiwalian, na sila ay mga diyablo, sila ay nagiging mayabang at mapagmagaling; naniniwala silang napakarami na nilang tiniis na mga paghihirap, na sila ay mga taong nagmamahal sa Diyos at sila ay kwalipikadong pumasok sa kaharian ng langit. Gayunpaman, kapag napagtatanto ng mga tao ang lalim ng kanilang katiwalian, na hindi nila isinasabuhay ang wangis ng tao, kundi sila ay mga diyablo at Satanas, nasasadlak sila sa kawalan ng pag-asa at pakiramdam nila ay tila wala na silang maaasahan pa; na sila ay kinondena na siguro ng Diyos, at nalantad at itiniwalag. Ang mga tao ay mayabang at mapagmagaling kapag hindi nila nauunawaan ang kanilang mga sarili, at nasasadlak naman sila sa kawalan ng pag-asa kapag nauunawaan nila ito. Ganoon kagulo at kahirap pakitunguhan ang mga tao. Kung kaya nilang tanggapin ang katotohanan, kung isang araw ay tunay nilang mauunawaan ang layunin ng Diyos, sasabihin nila: “Ang katiwalian ko ay ganito na kalalim sa simula pa lamang at sa wakas ay napagtanto ko na ito. Sa kabutihang palad, iniligtas ako ng Diyos, at ngayon ay nakakakita na ako ng maningning na buhay at makakalakad na ako sa tamang landas ng buhay. Hindi ko alam kung paano ko pasasalamatan ang Diyos.” Ito ay tulad ng paggising mula sa panaginip at pagkakita ng liwanag. Hindi ba’t nakatanggap sila ng dakilang kaligtasan? Hindi ba’t dapat nilang papurihan ang Diyos? Hindi nauunawaan ng ibang mga tao ang kanilang mga sarili kahit na nalalapit na ang kamatayan; mayabang pa rin sila at hindi nila kayang tanggapin ang pagbubunyag ng katunayan. Pakiramdam nila ay napakabuti nila: “Mabuti akong tao, paano ko magagawa iyon?” Para bang inakusahan sila nang mali. Ang ibang tao ay sumasailalim sa ilang taon ng gawain ng Diyos, at sa huli, hindi pa rin nila nauunawaan ang kanilang kalikasan. Lagi nilang iniisip na sila ay mabubuting tao at na nakagawa sila ng mali sa mga sandali ng pagkalito, at hanggang sa araw na ito, kapag sila ay itinitiwalag, hindi sila nagpapasakop. Ang ganitong uri ng tao ay mayabang at ignorante, at sadyang hindi tumatanggap ng katotohanan. Kahit kailan ay hindi nila magagawang magbago at maging tao. Mula rito, matutuklasan ninyo na kahit na ang kalikasan ng tao ay lumalaban at nagtataksil sa Diyos, may pagkakaiba sa kanilang mga kalikasan. Ito ay nangangailangan ng mas malalim na pag-unawa sa kalikasan ng mga tao.
May ilang karaniwang katangian sa kalikasan ng mga tao na kailangang maunawaan. Ang lahat ng tao ay may kakayahang pagtaksilan ang Diyos—ito ay karaniwang katangian—gayunpaman, ang bawat isa ay mayroong kanilang sariling nakapagpapabagsak na kahinaan. May mga taong gusto ang kapangyarihan, ang iba naman ay ang katayuan; ang ilan ay sumasamba sa pera, habang ang iba naman ay sumasamba sa mga materyal na kasiyahan. Ang mga ito ay pagkakaiba sa kalikasan ng mga tao. May mga taong kayang manindigan sa kabila ng maraming tiniis na paghihirap matapos nilang manalig sa Diyos, habang ang iba naman ay nagiging negatibo, nagrereklamo, at nabibigong manindigan kapag nahaharap sa kaunting paghihirap. Kung gayon, bakit kaya na sa kabila ng pananalig nilang pareho sa Diyos, at pagkain at pag-inom nilang pareho sa salita ng Diyos, ay magkaiba ang kanilang mga reaksyon kapag may nangyayari sa kanila? Ipinakikita nito na, kahit na ang lahat ng taong lubhang tiwali ay mayroong kalikasan ni Satanas, ang kalidad ng kanilang pagkatao ay iba-iba. May mga taong tutol at napopoot sa katotohanan, habang ang iba ay kayang mahalin at tanggapin ito. Mas malala ang ipinapakitang tiwaling disposisyon ng ilang tao, habang ang iba naman ay hindi gaano kalala. Mas mabait nang kaunti ang ilang tao, habang ang iba naman ay napakasama. Bagamat maaaring magkakaiba ang kanilang mga pananalita, ikinikilos at ipinapamalas, ang kanilang mga tiwaling disposisyon ay iisa; lahat sila ay mga tiwaling tao ni Satanas. Ito ay karaniwang katangian nila. Ang kalikasan ng isang tao ay tumutukoy kung sino siya. Mayroon mang pagkakapare-pareho ang bawat tao pagdating sa kanilang kalikasan, ang bawat isa ay dapat na tratuhin nang magkakaiba ayon sa kanilang diwa. Halimbawa, karaniwang katangian na mayroon ang lahat ng tao ang masasamang pagnanasa. Taglay ito ng lahat ng tao at hindi nila ito madaling mapagtagumpayan. Gayunpaman, may ilang taong may napakatinding inklinasyon dito. Sa tuwing nakakatagpo ang mga ganitong tao ng mga tuksong may kinalaman sa kabilang kasarian, sila ay sumusuko sa mga ito. Napangingibabawan ang kanilang puso at bumibigay sila sa tukso; handa silang sumama sa ibang tao anumang oras at pagtaksilan ang Diyos. Kaya, masasabing ang mga taong ito ay may masasamang kalikasan. Kapag nahaharap ang ilang tao sa ganitong bagay, kahit pa nagpapakita sila ng kaunting kahinaan o naghahayag ng ilang masasamang pagnanasa, hindi sila gagawa ng anumang hindi naaangkop. Kaya nilang magpigil at umiwas sa ganitong uri ng sitwasyon; kaya nilang maghimagsik laban sa laman at iwasan ang tukso. Kaya, hindi masasabing ang kanilang kalikasan ay masama. Nabubuhay ang mga tao sa laman, kaya mayroon silang masasamang pagnanasa; ngunit may mga taong ang kagustuhan nila ang sinusunod at mapupusok, pinagbibigyan nila ang kanilang pagnanasa, at gumagawa pa nga ng mga bagay na nakakagambala at nakakagulo sa gawain ng iglesia. Gayunpaman, hindi ganito ang ibang tao. Kaya nilang hangarin ang katotohanan at kumilos nang naaayon dito, at kaya nilang maghimagsik laban sa laman. Bagamat ang lahat ng tao ay mayroong pagnanasa ng laman, hindi pare-pareho ang kanilang inaasal. Dito nagkakaiba ang kalikasang diwa ng mga tao. May mga taong gahaman sa pera. Sa tuwing nakakakita sila ng pera o magagandang bagay, gusto nila itong angkinin. Mayroon silang napakatinding pagnanasa na makuha ang mga bagay na ito. Likas na gahaman ang mga taong ito. Pinag-iimbutan nila ang anumang materyal na pag-aaring nakikita nila, at nangangahas pa nga silang nakawin o gamitin nang mali ang mga handog sa Diyos—nangangahas pa nga silang gumalaw ng libu-libong piso. Mas maraming pera, mas nagiging matapang sila. Ganap na walang takot ang kanilang puso sa Diyos. Ito ay gahamang kalikasan. May mga taong hindi mapalagay ang konsensiya pagkatapos gumastos ng ilang piso, o ilang daang piso mula sa pera ng iglesia. Agad silang lumuluhod sa harap ng Diyos para magdasal habang lumuluha dahil sa labis na pagsisisi, nagmamakaawang patawarin ng Diyos. Hindi natin masasabing ang mga taong ganito ay gahaman sa pera, dahil ang lahat ng tao ay may mga tiwaling disposisyon at kahinaan, at ang kakayahan ng mga taong ito na tunay na magsisi ay nagpapatunay na ang kanilang mga kilos ay paghahayag lamang ng kanilang mga tiwaling disposisyon. May mga taong mapanghusga sa iba. Sasabihin nila, “Dahil gumastos ang taong ito ng ilang piso mula sa pera ng iglesia ngayon, maaaring maging daan-daang piso na iyon sa susunod. Tiyak na sila ay mga taong nagnanakaw ng mga handog at dapat na sila ay paalisin.” Ang pagsasalita nang ganito ay medyo likas na mapanghusga. May mga tiwaling disposisyon ang mga tao, kaya tiyak na ihahayag nila ang kanilang katiwalian at gagawa sila ng maraming masasamang bagay. Ito ay normal, ngunit ang paghahayag ng isang tao ng kanyang katiwalian ay hindi kapareho ng pagkakaroon ng kalikasan ng isa masamang tao. Bagaman ang dalawang uring ito ng mga tao ay maaaring gumawa ng magkakaparehong bagay, magkaiba ang kanilang kalikasan. Halimbawa, habang ang isang tao ay tumatahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan at paghahangad na maging isang tapat na tao, hindi maiiwasan na magbunyag siya ng mga kasinungalingan, panlilinlang, o pandaraya paminsan-minsan, samantalang ang pagsisinungaling at panlilinlang ay bahagi ng kalikasan ng diyablo, at magsisinungaling ito palagi at tungkol sa lahat ng bagay. Bagaman pareho silang maaaring magpakita ng asal na mapagsinungaling, ang diwa ng diyablo at ang diwa ng isang taong naghahangad sa katotohanan ay talagang magkaiba. Kung gayon, angkop ba na tawaging mga diyablo at Satanas ang mga taong naghahangad na maging tapat, dahil lang sa panandaliang paghahayag ng pagiging tiwali? Hindi dahil nagawa nila ang pagsalangsang na pagsisinungaling o pandaraya sa iba ay nangangahulugan nang sila ay mga diyablo na laging nagsisinungaling at nandaraya ng iba. Dahil hindi magkakapareho ang kalikasang diwa ng mga tao, hindi natin puwedeng pagsama-samahin ang mga ito. Ang ikumpara ang isang taong nakagawa ng panandaliang pagkakasala sa isang diyablo ay isang paraan ng di-makatwirang panghuhusga at pagkondena. Ito ang bagay na pinakanakakapinsala sa mga tao. Kung wala kang pagkilatis at hindi mo makita nang malinaw ang mga bagay-bagay, hindi ka dapat basta-bastang magsalita o maglapat ng mga patakaran, kung hindi ay makakapinsala ka ng iba. Ang mga taong walang espirituwal na pagkaunawa at mahilig sumunod sa mga patakaran ang pinakamalamang na manghusga at kumondena sa iba. Ang mga taong hindi nakakaunawa sa katotohanan ay nagsasalita at kumikilos nang walang mga prinsipyo, at ang mga taong nagsasalita nang walang ingat at di-makatwirang humuhusga at kumokondena sa iba ay walang naidudulot na pakinabang sa kanila mang mga sarili o sa iba.
Hindi ninyo alam sa inyong puso kung ano ang layon na dapat makamit ng isang tao sa kanyang pananalig sa Diyos upang makasunod siya sa mga layunin ng Diyos. Iilan-ilang tao lang ang kayang manalig sa Diyos nang ganap na alinsunod sa Kanyang mga hinihingi. Napakaraming problema sa loob ninyo, at marahil ay hindi pa ninyo napagtatanto ang mga ito at hindi pa malinaw ang mga ito sa inyo. Ipinapakita nito na hindi ninyo pa rin nauunawaan ang katotohanan, na hindi ninyo kayang magnilay-nilay sa inyong mga sarili, at na hindi ninyo pa rin natutuklasan, at hindi pa rin nasusuri, ang iba’t ibang kaisipan at aspekto ng inyong kalikasan na nananahan sa inyong kalooban. Balang araw, kapag marami na kayong narinig na mga sermon, at may karanasan na kayo, ay mauunawaan ninyo ang katotohanan. Saka lamang ninyo magagawang tunay na makilala ang inyong sarili. Bagamat tunay kayong nananalig sa Diyos, hindi pa rin ninyo naiwawaksi ang inyong mga tiwaling disposisyon, at marami pa ring mabababaw na bagay sa inyong kalikasan, gusto ninyo pa ring magsuot ng magagandang damit at magpakasaya sa magagandang bagay. Kapag nagsusuot ang ibang tao ng magagandang damit o nagkakaroon sila ng magandang cell phone, ang tono ng kanilang pananalita ay nagbabago; kapag nagsusuot ang ibang babae ng mga sapatos na may matataas na takong, nagbabago ang kanilang paraan ng paglalakad, at hindi na nila nakikilala kung sino sila. Pagdating sa kung ano ang kinikimkim ng mga tao sa kanilang puso, at kung anong kalikasan ang nagsasanhi na ihayag nila ang buktot, pangit at mabababaw na mga bagay na ito, kailangan ng mga taong malaman ang kanilang mga sariling tiwaling disposisyon at ang mga bagay na nasa kanilang sariling kalikasan. Bagamat nararamdaman ng mga tao ang mga tiwaling disposisyon na ito, hindi nila kayang lutasin ang mga ito, kaya lamang nilang umasa sa kanilang sariling determinasyon para pigilan ang mga ito at hindi ito maihayag sa iba. Habang lumalalim ang kanilang mga karanasan, habang lumalalim ang kanilang kaalaman sa kanilang kalikasan at sa lahat ng aspekto ng katotohanan, at habang unti-unti silang nakauunawa at nakapapasok sa mga hinihingi ng Diyos, dahan-dahang nagsisimulang magbago ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao at ang mga aspekto ng kanilang kalikasan. Sa simula, napakababaw ng kanilang pagkakakilala sa sarili. Kaya nilang kilalanin ang kanilang mga tiwaling disposisyon, ngunit hindi nila kayang hangarin ang katotohanan at alamin ang diwa ng kanilang pagiging tiwali. Kapag nagkaroon na sila ng kaunting kaalaman, gusto na nilang pigilan ang kanilang mga sarili at maghimagsik laban sa laman sa pamamagitan ng pagsisikap at magkamit ng mga resulta, ngunit ang kanilang mga pagsusumikap ay nauuwi sa wala, at hindi pa rin nila makita ang ugat ng problema. Kapag tunay na nilang nauunawaan ang katotohanan kalaunan, at lubos na nilang nakikilala ang kanilang mga tiwaling disposisyon, nagsisimula silang magkaroon ng poot sa kanilang mga sarili. Sa panahong iyon, hindi na nila kailangan na matinding magsikap na maghimagsik laban sa laman, kaya nilang maagap na isagawa ang katotohanan, at kumilos nang naaayon sa mga prinsipyo. Bagamat minsan ay hindi nila ganap na nauunawaan ang katotohanan, makakakilos naman sila batay sa kanilang konsensiya at katwiran. Kapag una pa lamang na nararanasan ng mga tao ang mga salita ng Diyos, nahaharap silang lahat sa mga paghihirap; dahil hindi nila nauunawaan ang katotohanan, at hindi nila alam kung paano gagawing batayan ang mga prinsipyo, lagi nilang itinatanong kung paano gagawin ang ganito o ganyan, at kaya lamang nilang sumunod sa mga patakaran. Bukod pa roon, laging nagugulo ng mga negatibong kalagayan ang mga tao, at kung minsan ay wala silang daan pasulong. Pagdating naman sa mga negatibong kalagayan, dapat na lutasin ng mga tao sa pamamagitan ng pagbabahaginan ang mga puwedeng lutasin sa pagbabahaginan. Para naman sa mga hindi kayang lutasin ng pagbabahaginan, puwede mong hindi pansinin ang mga ito. Sa halip, dapat kang tumutok sa pagsasagawa at pagpasok nang normal, at makipagbahaginan ka pa tungkol sa katotohanan. Isang araw, kapag malinaw mo nang nauunawaan ang katotohanan, at nakikilatis mo na ang maraming bagay, ang iyong mga negatibong kalagayan ay natural nang mawawala. Hindi pa ba nawawala sa ngayon ang mga dati ninyong negatibong kalagayan? Kahit papaano man lang, mas kaunti na ang nararanasan ninyong ganito kaysa dati. Tumutok lamang kayo sa pagsusumikap at paghahangad sa katotohanan, at malulutas ninyo ang lahat ng inyong problema. Kapag kaya na ninyong lutasin ang inyong mga sariling problema, bumuti na at umunlad na kayo. Kapag nakakaranas ang mga tao hanggang sa araw na ang kanilang pananaw sa buhay, at ang kahulugan at batayan ng kanilang pag-iral, ay lubusang nabago na, kapag nabago na sila hanggang sa kanilang pinaka-buto at naging ibang tao na, hindi ba ito magiging hindi kapani-paniwala? Ito ay malaking pagbabago, isang kamangha-manghang pagbabago. Kapag lamang ikaw ay naging hindi na interesado sa katanyagan, pakinabang, katayuan, salapi, kasiyahan, kapangyarihan at karangalan ng mundo, at madaling natatalikdan ang mga ito, magkakaroon ka ng wangis ng isang tao. Ang mga tao na sa huli ay gagawing ganap ng Diyos ay isang grupong katulad nito; nabubuhay sila para sa katotohanan, nabubuhay para sa Diyos, at nabubuhay para sa kung ano ang makatarungan. Ito ang wangis ng isang tunay na tao.
Magtatanong ang ilang tao, “Ano ba talaga ang isang tao?” Wala sa mga tao ngayon ay tao. Kung hindi sila mga tao, ano sila? Masasabi mong sila ay mga hayop, halimaw, Satanas, o diyablo; sa anumang kaso, sila ay nakakubli lamang sa balat ng tao, ngunit hindi sila matatawag na mga tao, dahil hindi nila taglay ang normal na pagkatao. Ang tawagin silang mga hayop ay medyo malapit-lapit, ngunit nagtataglay ang mga tao ng wika, isip at mga kaisipan, at kayang lumahok ng mga tao sa agham at paggawa, kaya maaari lamang silang maituring na matataas na antas ng mga hayop. Gayunpaman, masyado nang malalim ang pagkakatiwali ni Satanas sa mga tao, matagal na silang nawalan ng konsensiya at katwiran, at hindi man lamang sila nagpapasakop o natatakot sa Diyos. Sadyang ganap na naaangkop na tawagin silang mga diyablo at Satanas. Dahil ang kanilang kalikasan ay kay Satanas, at naghahayag sila ng mga satanikong disposisyon, at nagpapahayag sila ng mga satanikong pananaw, mas nababagay na tawagin silang mga diyablo at Satanas. Masyado nang malalim ang pagkatiwali ng mga tao at wala na silang gaanong wangis ng tao. Tulad sila ng mga halimaw at hayop, sila ay mga diyablo. Sa ngayon, hindi isang bagay o iba pa ang mga tao, hindi sila kamukha ng mga tao o demonyo, at wala silang tunay na wangis ng tao. Pagkatapos ng maraming taon ng karanasan, ang ibang matatagal nang nananalig ay napapalapit nang kaunti sa Diyos, at humigit-kumulang ay nauunawaan nang kaunti ang Diyos, at humigit-kumulang ay inaalala ang mga bagay na inaalala ng Diyos, at humigit-kumulang ay iniisip ang mga bagay na iniisip ng Diyos—ibig sabihin nito ay mayroon silang kaunting anyo ng tao, at sila ay bahagyang nabuo. Hindi pa nararanasan ng mga bagong nananalig ang makastigo at mahatulan, o ang mapungos nang husto, hindi pa rin nila naririnig ang karamihan sa katotohanan, nakabasa pa lamang sila ng mga salita ng Diyos, ngunit wala pa silang tunay na karanasan. Dahil dito, malaki pa rin ang kanilang pagkukulang. Ang lalim ng karanasan ng isang tao ang tutukoy kung gaano kalaki ang kanyang pagbabago. Habang mas kaunti ang karanasan mo sa mga salita ng Diyos, mas hindi mo mauunawaan ang katotohanan. Kung wala ka man lamang karanasan, ikaw ay isang buo at buhay na Satanas, at ikaw ay isang diyablo, ganoon kasimple. Naniniwala ka ba rito? Isang araw ay mauunawaan mo ang mga salitang iyon. Mayroon bang sinumang mabubuting tao sa ngayon? Kung walang anyo ng tao ang mga tao, paano natin sila matatawag na mga tao? Lalong hindi sila matatawag na mabubuting tao. Mayroon lamang silang balat ng tao, ngunit wala silang diwa ng tao, hindi pagmamalabis kung tatawagin silang mga halimaw na nakadamit ng tao. Kung may gustong maging taong may wangis ng tao sa pamamagitan ng pagdanas sa gawain ng Diyos, dapat nilang pagdaanan ang paglalantad, pagkastigo at paghatol ng mga salita ng Diyos, saka lamang sila makapagkakamit ng pagbabago sa huli. Ito ang landas; kung hindi ito ginawa ng Diyos, hindi magagawang magbago ng mga tao. Kailangang kumilos nang ganito ang Diyos, unti-unti. Kailangang maranasan ng mga tao ang paghatol at pagkastigo at palagiang pagpupungos, at ang mga paraan kung saan nila inihahayag ang kanilang mga tiwaling disposisyon ay dapat na mailantad. Maaari lamang pumasok sa tamang landas ang mga tao kapag nakakapagnilay-nilay sila sa kanilang mga sarili at nauunawaan nila ang katotohanan. Pagkatapos lamang ng panahon ng pagdanas at pagkaunawa sa ilang katotohanan na nagkakaroon ang mga tao ng kaunting katiyakan na manindigan. Nakikita Ko na kayong lahat ay napakababa pa rin ang tayog, masyadong kakaunti ang nauunawaan ninyo sa katotohanan, at hindi ninyo kayang maayos na gampanan ang inyong mga tungkulin. Bagamat tila napakaaktibo ninyong nagpapakaabala sa inyong mga tungkulin, ang totoo, kayong lahat ay nasa bingit ng panganib. Hindi Ko nakikitang tinataglay ninyo ang alinman sa mga katotohanang realidad, at mahirap sabihin kung kayo ay mga taong naghahangad sa katotohanan. Inilalagay kayo nito sa panganib. Nagsalita na Ako ng mga ganitong salita nang maraming beses, ngunit maraming taong hindi nakakaunawa kung ano ang ibig sabihin ng mga ito. Sinasabi ng ilang tao: “Napakasigasig ko sa aking pananalig sa Diyos ngayon, hindi ako madadapa o maliligaw. Tinatrato ako ng Diyos nang may mabuting kalooban, wala ako sa anumang panganib.” Tinatrato ng Diyos ang bawat tao nang may mabuting kalooban, at pinangangalagaan sila, ngunit hindi ka pa nakakapasok sa mga katotohanang realidad, kaya natural na nasa panganib ka. Kapag nahaharap sa mga pagsubok, magagagarantiya mo ba na makakaya mong manindigan? Walang taong mangangahas na magbigay ng ganitong garantiya. Maraming tao ang kaya lang magsalita tungkol sa ilang salita at doktrina. Hindi ibig sabihin nito na nauunawaan nila ang katotohanan, at lalong hindi ibig sabihin nito na mayroon silang tunay na tayog, gayunpaman, iniisip nilang halos naabot na nila ito. Kung masasabi ng isang tao ang ganitong bagay, ipinapakita nitong siya ay labis na nagkukulang. Ang bawat taong hindi tinataglay ang mga katotohanang realidad ay nabubuhay sa bingit ng panganib. Ito ay ganap na totoo.
Sipi 48
Sa mga nananalig sa Diyos, anong uri ng tao ang may pinakamaliit na tsansang maligtas, at ano ang uri ng kalikasan ang may pinakamalaking tsansang humantong sa pagkawasak? Malinaw ba ninyo itong nakikita? Isa mang lider o tagasunod ang isang tao, ano ang karaniwang kalikasan ng tao? Ang karaniwang elemento sa loob ng kalikasan ng tao ay ang pagkakanulo sa Diyos; may kakayahan ang bawat isang tao na ipagkanulo ang Diyos. Ano ang pagkakanulo sa Diyos? Ano ang mga pagpapamalas nito? Ang mga tumigil lang bang manalig sa Diyos ang nagkakanulo sa Kanya? Dapat maunawaan ng mga tao kung ano ang diwa ng tao, at maarok ang ugat nito. Ang mga pag-aalburoto mo, mga kapintasan, mga masamang gawi, o ang maling pagpapalaki sa iyo ay pawang mabababaw na aspekto. Kung palagi mong kinakapitan ang mga walang saysay na bagay na ito, walang ingat na nagpapatupad ng mga regulasyon at nabibigong arukin kung ano ang mahalaga, iniiwan ang mga bagay na likas sa iyong kalikasan at ang iyong tiwaling disposisyon na hindi nalulutas, sa huli ay malilihis ka pa rin at mauuwing lumalaban sa Diyos. Maaaring ipagkanulo ng mga tao ang Diyos kahit kailan at kahit saan—ito ay isang seryosong problema. Marahil sa isang sandali, puwedeng may kaunti kang mapagmahal-sa-Diyos na puso, masigasig na ginugugol ang sarili mo, at tinutupad ang mga tungkulin mo nang may kaunting katapatan; o puwedeng mayroon kang ganap na normal na katwiran at konsensiya sa panahong ito, pero ang mga tao ay hindi matatag at salawahan, may kakayahang lumaban at magkanulo sa Diyos kahit kailan at kahit saan dahil sa iisang pangyayari. Halimbawa, puwedeng ang isang tao ay nagtataglay ng ganap na normal na katwiran, may gawain ng Banal na Espiritu, praktikal na karanasan, isang pasanin, at katapatan sa pagganap sa kanyang tungkulin, pero kung kailan partikular na malakas ang kanyang pananampalataya, pinatalsik ng sambahayan ng Diyos ang isang anticristo na sinasamba niya, at nagsimula siyang magkaroon ng mga kuru-kuro. Agad siyang naging negatibo, nawala ang sigasig sa kanyang gawain, pabasta-bastang tinutupad ang tungkulin niya, hindi na gustong manalangin, at nagrereklamo, “Bakit pa magdarasal? Kung ang isang taong ganyan kabuti ay puwedeng mapatalsik, sino ang maliligtas? Hindi dapat ganito ang pagtrato ng Diyos sa mga tao!” Ano ang kalikasan ng mga salita niya? Isang insidente lang na hindi umaayon sa mga pagnanais niya at hinusgahan na niya ang Diyos. Hindi ba’t pagpapamalas ito ng pagkakanulo sa Diyos? Maaaring lumihis ang mga tao sa Diyos kahit kailan at kahit saan; sa pagdanas nila ng ilang sitwasyon, maaaring bumuo sila ng mga kuru-kuro at husgahan at kondenahin ang Diyos—hindi ba’t pagpapamalas ito ng pagkakanulo sa Diyos? Malaking bagay ito. Puwedeng iniisip mo ngayon na wala kang anumang kuru-kuro tungkol sa Diyos at kaya mong magpasakop sa Kanya, pero kung may gagawin kang mali at bigla kang haharap sa matinding pagpupungos, magagawa mo pa rin bang magpasakop? Hahanapin mo ba ang katotohanan para sa isang resolusyon? Kung hindi mo kayang magpasakop o maghanap ng katotohanan para lutasin ang problema ng iyong pagrerebelde, may tsansa pa ring puwede mong ipinagkanulo ang Diyos. Maaaring hindi mo aktuwal na sinabing “Hindi na ako nananalig sa Diyos,” pero ipinagkanulo na Siya ng puso mo sa sandaling iyon. Dapat malinaw mong makita kung ano talaga ang kalikasan ng tao. Ang diwa ba ng kalikasang ito ay pagkakanulo? Napakakaunti lang ng malinaw na nakakakita ng kalikasang diwa ng tao. Siyempre, may ilang taong may kaunting konsensiya at kahit papaano ay may mabuting pagkatao, habang ang iba ay walang pagkatao, pero mabuti man o masama ang pagkatao ng isang tao, o mabuti man o mahina ang kanyang kakayahan, ang pagkakapareho ay kaya nilang lahat na ipagkanulo ang Diyos. Ang kalikasan ng tao ay talagang ang pagkakanulo sa Diyos. Dati inisip ninyo, “Dahil ang Diyos ay ipinagkanulo ng mga taong ginawang tiwali ni Satanas sa kalikasan, wala akong magagawa tungkol dito kundi unti-unting magbago.” Ganito pa rin ba kayo mag-isip ngayon? Kaya sabihin ninyo sa Akin, puwede bang ipagkanulo ng isang tao ang Diyos nang hindi nagagawang tiwali? Puwede pa ring ipagkanulo ng mga tao ang Diyos nang hindi nagagawang tiwali. Noong nilikha ng Diyos ang tao pinagkalooban Niya sila ng kalayaang pumili. Ang mga tao ay partikular na marupok; wala silang taglay na likas na pagnanais na lumapit sa Diyos at sabihing, “Ang Diyos ang Lumikha sa amin, at kami ay mga nilalang.” Walang ganitong konsepto sa mga tao. Likas silang walang taglay na katotohanan, o anumang bagay na may kaugnayan sa pagsamba sa Diyos sa loob nila. Binigyan ng Diyos ang mga tao ng kalayaang pumili, na nagpapahintulot sa kanilang mag-isip, pero hindi tinatanggap ng mga tao ang katotohanan, hindi talaga kilala ang Diyos, at hindi nauunawaan kung paano magpasakop at sumamba sa Kanya. Hindi umiiral ang mga bagay na ito sa mga tao, kaya kahit na hindi ginagawang tiwali maaari mo pa ring ipagkanulo ang Diyos. Bakit sinasabing kaya mong ipagkanulo ang Diyos? Kapag dumarating si Satanas para tuksuhin ka, sinusunod mo si Satanas at ipinagkakanulo mo ang Diyos. Nilikha ka ng Diyos pero hindi mo Siya sinusunod, sa halip ay sinusunod si Satanas—hindi ba’t ginagawa ka nitong isang traydor? Ang isang traydor sa pakahulugan ay isang taong nagkakanulo. Nauunawaan mo ba nang lubos ang diwa nito? Samakatuwid, maaaring ipagkanulo ng mga tao ang Diyos kahit kailan at kahit saan. Hindi na lamang ipagkakanulo ng mga tao ang Diyos kapag sila ay ganap na nananahan sa kaharian ng Diyos at sa Kanyang liwanag, kapag nawasak na ang lahat ng kay Satanas, at kapag wala nang anumang bagay na makakatukso o makakaakit sa kanila sa kasalanan. Kung mayroon pa ring bagay na nakakaakit sa mga tao para magkasala, magagawa pa rin nilang ipagkanulo ang Diyos. Ang mga tao, samakatuwid, ay mga bagay na walang halaga. Puwedeng iniisip mo na dahil lang kaya mong maglabas ng ilang salita at doktrina na nauunawaan mo ang ilang katotohanan at hindi mo na ipagkakanulo ang Diyos, na kahit papaano ay dapat kang isaalang-alang—kung hindi bilang ginto o pilak—bilang tanso o bakal, na mas mahalaga kaysa sa mga gawa sa luwad, pero masyadong mataas ang tingin mo sa sarili mo. Alam mo ba kung ano talaga ang mga tao? Maaaring ipagkanulo ng mga tao ang Diyos kahit kailan at kahit saan, wala silang halaga kahit isang sentimo; gaya ng sinabi ng Diyos: Ang mga tao ay mga hayop, mga walang kwentang sawing-palad. Pero sa puso nila, hindi ganito mag-isip ang mga tao. Iniisip nila, “Sa palagay ko ay hindi ako isang walang kwentang sawing-palad! Bakit hindi ko makita nang malinaw ang usaping ito? Paanong hindi ko ito naranasan? Tunay ang pananalig ko sa Diyos; may pananampalataya ako, kaya hindi ko kayang ipagkanulo ang Diyos. Ang mga salita ng Diyos ay katotohanan lahat, pero hindi ko lang maunawaan ang pariralang, ‘Maaaring ipagkanulo ng mga tao ang Diyos kahit kailan at kahit saan.’ Nakita ko na ang pagmamahal ng Diyos; hindi ko Siya kailanman kayang ipagkanulo kahit kailan.” Ito ang talagang iniisip ng mga tao sa puso nila, pero ang mga salita ng Diyos ay mga katunayan, hindi binigkas ang mga ito mula sa kung saan. Bawat bagay ay ginawang maliwanag sa inyo, kinukumbinsi kayo nang buong-puso; sa ganitong paraan lamang ninyo makikila ang inyong katiwalian at malulutas ang problema ng pagkakanulo. Sa kaharian, wala nang pagkakanulo; kapag namumuhay ang mga tao sa ilalim ng kapamahalaan ng Diyos at hindi sa ilalim ng kontrol ni Satanas, sila ay tunay na malaya. Sa panahong iyon, hindi na kailangang mag-alala tungkol sa pagkakanulo sa Diyos; ang ganitong alalahanin ay hindi na kailangan, ito ay kalabisan. Sa hinaharap, maaaring ideklara na wala nang anumang bagay sa inyo ang magkakanulo sa Diyos, pero ngayon, hindi ito ang kaso. Dahil may mga tiwaling disposisyon ang mga tao, kaya nilang ipagkanulo ang Diyos anumang oras. Hindi ito na ang presensya ng mga partikular na pangyayari ay humahantong sa pagkakanulo, at kung walang mga partikular na pangyayari o pamimilit hindi mo ipagkakanulo ang Diyos—kahit na walang pamimilit, maaari mo pa rin Siyang ipagkanulo. Ito ay isang problema ng tiwaling diwa ng tao, isang problema ng kalikasan ng tao. Kahit na wala kang iniisip o ginagawang anuman ngayon, ang realidad ng iyong kalikasan ay tunay na umiiral, at hindi mapupuksa ng sinuman. Dahil may kalikasan ka ng pagkakanulo sa Diyos sa loob mo; wala Siya sa puso mo; sa kaibuturan ng puso mo, walang anumang lugar para sa Diyos at walang presensya ng katotohanan; kaya, maaari mong ipagkanulo ang Diyos kahit kailan at kahit saan. Iba ang mga anghel; kahit wala silang disposisyon o diwa ng Diyos, nagagawa pa rin nilang ganap na magpasakop sa Diyos dahil sila ay nilikha Niya partikular para sa paglilingkod sa Kanya, para tuparin ang mga utos Niya sa lahat ng lugar. Sila ay nabibilang nang buong-buo sa Diyos. Pagdating sa mga tao, nilayon ng Diyos para sa kanila na mabuhay sa mundo, hindi sila pinagkakalooban ng kakayahang sambahin Siya. Kaya, kayang ipagkanulo at labanan ng mga tao ang Diyos. Pinapatunayan nito na ang mga tao ay maaaring magamit at kalabanin ng sinuman; wala silang anumang sarili nilang kataas-taasang kapangyarihan. Ang mga tao ay mga ganitong nilalang, sadyang walang dignidad at walang halaga!
Isinisiwalat ng Diyos ang kalikasang nagkakanulo ng tao para magkaroon ng tunay na pang-unawa ang mga tao tungkol sa usaping ito at sa mga sarili nila. Ang mga tao ay puwedeng magsimulang magbago at sumubok na humanap ng mga landas ng pagsasagawa mula sa aspektong ito, inuunawa kung sa aling mga bagay nila maipagkakanulo ang Diyos at kung anong mga tiwaling disposisyong taglay nila ang maaaring humantong sa pagkakanulo sa Diyos. Kapag umabot ka na sa punto kung saan hindi ka nagrerebelde laban sa Diyos sa maraming aspekto, at hindi mo Siya ipinagkakanulo sa karamihang aspekto, kapag umabot ka sa dulo ng paglalakbay mo sa buhay, sa sandaling natapos na ang gawain ng Diyos, hindi mo na kakailanganing mag-alala kung ipagkakanulo mo ang Diyos sa hinaharap. Bakit Ko ito sinasabi? Bago ginawang tiwali ni Satanas ang mga tao, kaya nilang ipagkanulo ang Diyos kapag inakit ni Satanas. Kapag nawasak si Satanas, hindi ba’t titigil ang mga taong ipagkanulo ang Diyos? Hindi pa dumating ang panahong iyan. Taglay pa rin ng mga tao ang tiwaling disposisyon ni Satanas sa loob nila, magagawang ipagkanulo ang Diyos kahit kailan at kahit saan. Kapag naranasan mo na ang buhay sa isang partikular na yugto, kung saan inalis mo na ang lahat ng maling pananaw, kuru-kuro, at imahinasyon tungkol sa paglaban at pagkakanulo sa Diyos; naunawaan mo ang katotohanan, nang may maraming positibong bagay sa puso mo; kaya mo nang kontrolin ang sarili mo at pasunurin ang mga sarili mong kilos; at hindi mo ipinagkakanulo ang Diyos sa karamihang sitwasyon, pagkatapos kapag nawasak na si Satanas, ganap ka nang mababago. Ang kasalukuyang yugto ng gawain ay para lutasin ang pagkakanulo at pagrerebelde ng tao. Hindi ipagkakanulo ng sangkatauhan sa hinaharap ang Diyos dahil magagapi na si Satanas. Wala nang usapin tungkol kay Satanas na inililihis at ginagawang tiwali ang sangkatauhan; ang usaping ito pagkatapos ay magiging wala nang kaugnayan sa sangkatauhan. Ngayon, ipinapaunawa sa mga tao ang kalikasang nagkakanulo ng tao, na isang isyu na lubos na mahalaga. Dito kayo dapat magsimula. Ano ang nabibilang sa kalikasan ng pagkakanulo sa Diyos? Ano ang kalakip ng mga pagbubunyag ng pagkakanulo? Paano dapat magnilay at umunawa ang mga tao? Paano sila dapat magsagawa at pumasok? Ang lahat ng ito ay dapat maunawaan at makita nang malinaw. Hangga’t umiiral pa rin ang kalikasan ng pagkakanulo sa isang tao, maaari niyang ipagkanulo ang Diyos kahit kailan at kahit saan. Kahit na hindi niya lantarang itinatanggi o ipinagpapalit ang Diyos, kaya pa rin niyang gawin ang maraming bagay na hindi ituturing ng mga tao na pagkakanulo, pero sa diwa ay ganoon. Ibig sabihin nito na walang awtonomiya ang mga tao; nauna si Satanas na okupahin sila. Kung kaya mong ipagkanulo ang Diyos nang hindi ginagawang tiwali, gaano pa kaya ang magagawa mo ngayong ikaw ay puno ng tiwaling disposisyon ni Satanas? Hindi ba’t lalo ka pang mas may kakayahang ipagkanulo ang Diyos kahit saan at kahit kailan? Ang kasalukuyang gawain ay upang alisin ang mga tiwaling disposisyong iyon, binabawasan ang mga bagay na nagdudulot sa iyong ipagkanulo ang Diyos, binibigyan ka ng maraming pagkakataon para maging perpekto at matanggap ng Diyos sa Kanyang presensya. Habang lalo mong nararanasan ang gawain ng Diyos sa iba’t ibang usapin, magagawa mong magkamit ng ilang katotohanan at magawang perpekto kahit papaano. Kung darating pa rin si Satanas at ang mga demonyo para tuksuhin ka, o darating ang mga masamang espiritu para ilihis at gambalain ka, magagawa mong gumamit ng kaunting pagkilatis, at sa gayon ay mababawasan ang pagkilos sa mga paraang nagkakanulo sa Diyos. Ito ay isang bagay na nabubuo sa loob ng mga tao sa paglipas ng panahon. Noong unang nilikha ang mga tao, hindi nila alam kung paano sumamba o magpasakop sa Diyos, ni hindi nila alam kung ano ang pagkakanulo sa Kanya. Noong dumating si Satanas para akitin sila, sumunod sila rito at ipinagkanulo nila ang Diyos, naging mga traydor, dahil hindi nila kayang kilalanin ang mabuti at masama, at walang kakayahang sumamba sa Diyos—lalong mas kaunti ang pagkaunawa nila na ang Diyos ang Lumikha sa sangkatauhan, at kung paano nila Siya dapat sambahin. Ngayon, inililigtas ng Diyos ang mga tao sa pamamagitan ng pagpapaunawa sa kanila ng mga katotohanan tungkol sa pagkilala sa Kanya—kasama ang Kanyang diwa, disposisyon, pagkamakapangyarihan-sa-lahat, praktikalidad, at marami pa—para maging buhay nila ang mga ito, binibigyan sila ng awtonomiya at ng kakayahang mamuhay ayon sa katotohanan. Habang nararanasan mo nang mas malalim ang mga salita ng Diyos at ang paghatol at pagkastigo ng mga ito, mas malalim mong mauunawaan ang sarili mong tiwaling disposisyon, at bibigyan ka nito ng pagpapasiyang magpasakop, magmahal, at magbigay-kasiyahan sa Diyos. Habang lalo mong nakikilala ang Diyos, lalo mong maiwawaksi ang mga tiwaling disposisyon mo, at sa loob mo magkakaroon ng mas kaunting bagay na nagkakanulo sa Diyos, at mas maraming bagay na kaayon sa Kanya, kaya lubos na nananaig at nagtatagumpay laban kay Satanas. Sa katotohanan, nakakamit ng mga tao ang awtonomiya at hindi na nalilihis o napipigil ni Satanas, nabubuhay ng tunay na buhay ng tao. May ilang taong nagtatanong: “Kung may tiwaling kalikasan ang tao sa loob nila at kayang ipagkanulo ang Diyos kahit kailan at kahit saan, paano pa rin nasasabi ng Diyos na ginawa Niyang ganap ang tao?” Ang pagiging ganap ay nangangahulugan na sa pamamagitan ng pagdanas ng gawain ng Diyos, nakikilala ng mga tao ang Diyos at ang sarili nilang kalikasan, nauunawaan kung paano sumamba sa Diyos at magpasakop sa Diyos. Nakikilala nila ang gawain ng Diyos at ang gawain ng tao, nakikilala ang kaibahan ng gawain ng Banal na Espiritu at ang gawain ng masasamang espiritu, at nauunawaan kung paano lumalaban sa Diyos si Satanas at ang mga demonyo, kung paano lumalaban ang sangkatauhan sa Diyos, kung ano ang isang nilikha, at kung sino ang Lumikha. Ang lahat ng ito ay idinagdag sa mga tao sa pamamagitan ng gawain ng Diyos pagkatapos silang likhain. Kaya, ang mga huling tao na ginawang ganap ay mas matibay at mas mahalaga kaysa sa mga hindi naging tiwali sa umpisa, dahil may idinagdag ang Diyos sa kanila, may ginawang isang bagay sa loob nila. Kaya, ang mga huling tao na ginawang ganap ay mas maraming taglay na awtonomiya kaysa sa taglay nina Adan at Eba, may mas mabuting pagkaunawa ng katotohanan tungkol sa pagsamba at pagpapasakop sa Diyos, at kung paano sila dapat kumilos. Hindi alam nina Adan at Eba ang mga bagay na ito. Noong tinukso ng ahas, kinain nila ang prutas mula sa puno ng kaalaman ng mabuti at masama, at pagkatapos napagtanto nila ang kanilang kahihiyan, pero hindi pa rin alam kung paano sumamba sa Diyos. Mula noon, lalong tumindi ang katiwalian ng sangkatauhan hanggang ngayon. Ito ay isang usaping lubos na malalim; walang kayang makaunawa nito nang malinaw. Dahil sa mga likas na katangian ng laman ng tao, maaaring ipagkanulo ng mga tao ang Diyos kahit kailan at kahit saan, pero sa huli, gagawing ganap ng Diyos ang tao at dadalhin Niya sila sa susunod na kapanahunan. Ito ay isang bagay na mahirap unawain para sa mga tao; maaari lang itong dahan-dahang maranasan. Sa sandaling maunawaan ang katotohanan, natural itong magiging malinaw.
Bakit kinakailangan ng mga taong makilala ang Diyos? Ito ay dahil kung hindi nila kilala ang Diyos, lalabanan Siya ng mga tao. Kung may isang taong hindi nakakaunawa ng katotohanan, malamang na mailihis at magamit siya ni Satanas at ng masasamang espiritu. Hindi niya magagawang makatakas sa impluwensiya ni Satanas, kaya nabibigong makamit ang kaligtasan. Pero kung nauunawaan ng isang tao ang katotohanan, magkakaroon siya ng tunay na kaalaman tungkol sa Diyos, magagawang tunay na magpasakop sa Kanya, magpatotoo sa Kanya, at makamit Niya. Ang ganitong tao ay hindi maililihis o masasamantala ni Satanas, kahit na gustuhin pa nito; ito ang ibig sabihin ng maging ganap na malaya sa impluwensiya ni Satanas at ang makamit ang kaligtasan, at ito ang kahalagahan ng hinihingi ng Diyos na makilala Siya ng mga tao. Kung kilala mo ang Diyos, maaari ka Niyang maligtas; kung hindi mo kilala ang Diyos, hindi mo makakamit ang kaligtasan. Kung may isang taong hindi nakakaunawa sa mga layunin ng Diyos at hindi talaga naghahangad ng katotohanan, sa halip ay nabubuhay sa kanyang satanikong disposisyon, at hindi nagsasagawa ng katotohanan kahit na nauunawaan niya ang ilan sa mga ito, sinasadya pa ring magkasala, siya ay talagang hindi na matutubos. Nasa aling kalagayan kayo ngayon? Hangga’t may kaunti pa kayong pag-asa ngayon, naaalala man ng Diyos o hindi ang mga pagsalangsang ninyo sa nakaraan, anong kaisipan ang dapat ninyong panatilihin? “Dapat akong maghangad ng pagbabago sa aking disposisyon, maghangad ng kaalaman tungkol sa Diyos, na hindi na muling maloko ni Satanas, at hindi na muling gumawa ng anumang bagay na magdadala ng kahihiyan sa pangalan ng Diyos.” Ang mga tao ngayon ay ginawang tiwali nang napakalalim at walang anumang halaga. Anong mga pangunahing larangan ang nagtatakda kung sila ay maaaring maligtas at kung sila ay mayroong anumang pag-asa? Ang susi ay, pagkatapos makinig sa isang sermon, kung nauunawaan mo ang katotohanan o hindi, kung kaya mong isagawa ang katotohanan o hindi, at kung kaya mong magbago o hindi. Ito ang mga pangunahing larangan. Kung ikaw ay nakakaramdam lang ng pagsisisi, at kapag dumarating ang panahon para gumawa ng mga bagay ay ginagawa mo lang kung ano ang gusto mo, sa parehong mga dating paraan, hindi lang sa hindi hinahanap ang katotohanan, kumakapit pa rin sa mga dating pananaw, pamamaraan, at regulasyon, at hindi lang sa hindi pinagninilayan at sinusubukang kilalanin ang iyong sarili, pero sa halip ay sumasama pa nang sumasama, at ipinipilit pa ring lakaran ang dati mong landas, ikaw ay magiging walang pag-asa, at dapat kalimutan. Sa mas malawak na kaalaman tungkol sa Diyos at mas malalim na kaalaman tungkol sa sarili mo, mas magiging kaya mong pigilan ang sarili mo sa paggawa ng masama at sa pagkakasala. Kapag mas lubusan ang kaalaman mo tungkol sa iyong kalikasan, mas mabuti mong mapoprotektahan ang iyong sarili, at pagkatapos ibuod ang mga karanasan at natutunan mo, hindi ka na muling mabibigo. Sa aktuwal na katunayan, lahat ng tao ay may ilang kapintasan; hindi lamang sila pinapanagot ng Diyos para sa mga ito. Lahat ng tao ay mayroon ng mga ito, ito ay usapin lamang ng antas; may ilang puwedeng sabihin, may ibang hindi. Ang ilang tao ay gumagawa ng mga bagay na alam ng iba, habang may ilang taong gumagawa ng mga bagay nang walang nakakaalam tungkol dito. Lahat ng tao ay may mga kasalanan at kapintasan sa kanila, at lahat sila ay nagbubunyag ng mga partikular na tiwaling disposisyon, gaya ng pagmamataas o pagmamagaling; lahat sila ay may ilang paglihis sa kanilang gawain o paminsan-minsang naging mapaghimagsik. Madaling unawain ang lahat ng ito; hindi maiiwasan ang mga ito ng tiwaling sangkatauhan. Pero sa sandaling maunawaan ng mga tao ang katotohanan, dapat kaya nila itong iwasan at hindi na muling sumalangsang; hindi na sila kailangan pang maligalig ng mga nakaraang pagsalangsang. Ang susi ay kung nagsisisi ang mga tao, kung sila ay tunay na nagbago. Ang mga taong nagsisisi at nagbabago ay ang mga taong ligtas, habang ang mga nananatiling hindi nagsisisi at hindi nagbabago sa kabuuan ay dapat itiwalag. Kung, pagkatapos maunawaan ang katotohanan, sinasadya pa rin ng mga taong sumalangsang, kung matatag silang hindi nagsisisi, lubusang hindi nagbago, paano man sila pinungusan o binalaan, ang mga ganitong tao ay hindi na maililigtas.