Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 19
Karaniwan ba ninyong iniuugnay ang mga himnong pinapakinggan ninyo sa inyong sariling mga kalagayan at karanasan? Pinakikinggan at pinagninilayan mo bang mabuti ang ilang salita at paksa na may kaugnayan sa iyong mga karanasan at pagkaunawa, o sa kaya mong makamit? (Diyos ko, minsan, kapag may ilan akong pinagdaraanan, iniuugnay ko ang mga himnong naririnig ko sa sarili kong sitwasyon, samantalang sa iba namang pagkakataon, nakikinig lang ako nang wala sa loob ko.) Madalas, nakikinig ka lang nang wala sa loob mo, hindi ba? Kung 95 porsyento ng oras ay nakikinig lang kayo sa mga himno nang wala sa loob ninyo, mayroon bang anumang kabuluhan ang pakikinig na iyon? Ano ang layon ng pakikinig sa mga himno? Kahit papaano man lang, pinakakalma nito ang mga tao, inilalayo ang kanilang puso mula sa iba’t ibang komplikadong usapin at kaisipan, at pinatatahimik sila sa harap ng Diyos, inihaharap sila sa mga salita ng Diyos para makinig nang mabuti at magnilay sa bawat pangungusap at talata. Masyado ba kayong abala ngayon sa mga gampanin na wala na kayong oras na makinig at wala nang enerhiya na magnilay, o sadya bang hindi ninyo lang alam kung paano magdasal-magbasa ng mga salita ng Diyos, magnilay sa katotohanan, at magpatahimik sa inyong sarili sa harap ng Diyos? Nagpapakaabala lang kayo na gawin ang inyong tungkulin araw-araw; bagamat maaaring mahirap at nakakapagod ito, naniniwala kayo na ang bawat araw ay masagana, at hindi ninyo nadaramang hungkag kayo o hirap ang inyong espiritu. Pakiramdam ninyo ay hindi nasasayang ang araw; may halaga ito. Ang mamuhay araw-araw nang walang layon ay tinatawag na pagraraos lang ng mga bagay-bagay. Tama ba? (Oo.) Sabihin ninyo sa Akin, kung magpapatuloy ito, sa loob ng tatlo, lima, walo, o sampu pang taon, magkakaroon ba kayo ng anumang makabuluhang bagay na maipapakita? (Wala.) Kung hindi kayo makakaranas ng anumang mga espesyal na pangyayari o sitwasyon na isinaayos ng Diyos, kung walang personal na patnubay at pamumuno mula sa Itaas, para magbigay sa inyo ng mga pagtitipon at pagbabahaginan, at para suriin ang diwa ng iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay, nang inaakay at tinuturuan kayo, kung gayon, sa totoo lang ay kadalasang inaaksaya ninyo ang bawat araw, mabagal ang inyong pag-usad, at halos wala kayong nakakamit sa inyong buhay pagpasok. Kaya, sa tuwing may nangyayari, hindi humuhusay ang inyong abilidad na makakilatis, hindi umuusad ang inyong karanasan at pagkaunawa sa katotohanan, at nabibigo rin kayong makaranas at makausad sa inyong pananalig at pagpapasakop sa Diyos. Kapag naharap kayong muli sa isang bagay, hindi pa rin ninyo alam kung paano ito pangasiwaan ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Sa proseso ng paggawa ng inyong tungkulin at pagdanas ninyo ng iba’t ibang bagay, hindi pa rin ninyo kayang aktibong hanapin ang mga prinsipyo at magsagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Ito ay pagsasayang ng oras. Ano ang mga panghuling kahihinatnan ng pagsasayang ng oras? Nasasayang ang iyong oras at lakas, at ang iyong masusing pagsusumikap ay nawawalan ng saysay. Ang landas na iyong tinahak sa lahat ng taong ito ay inilalarawan bilang ang landas ni Pablo. Kung maraming taon ka nang naging isang lider o manggagawa, ngunit mababaw ang iyong buhay pagpasok, mababa ang iyong tayog, at hindi mo nauunawaan ang anumang katotohanang prinsipyo, hindi ka angkop sa posisyon at hindi mo kayang tumapos ng isang gampanin nang ikaw lang. Ang mga lider at manggagawa ay hindi angkop sa kanilang mga posisyon, at hindi makapamuhay ng buhay-iglesia ang mga ordinaryong kapatid nang sila lang, hindi sila makakain at makainom ng mga salita ng Diyos nang sila lang, hindi nila alam kung paano danasin ang gawain ng Diyos, at wala silang buhay pagpasok. Kung walang mangangasiwa o gagabay sa kanila, maaari silang maligaw; kung ang mga lider at manggagawa ay hindi pinangangasiwaan o pinapatnubayan sa kanilang gawain, maaari silang lumihis, magtatag ng isang nagsasariling kaharian, malihis ng mga anticristo, at sumunod pa nga sa mga anticristo nang hindi ito namamalayan, iniisip pa rin na iginugugol nila ang kanilang sarili para sa Diyos. Hindi ba’t kahabag-habag ito? (Oo.) Ang kasalukuyan ninyong sitwasyon ay ganito mismo: parehong hindi mabuti at kahabag-habag. Kapag nahaharap kayo sa mga sitwasyon, wala kayong magawa at walang mapuntahan. Pagdating sa mga aktuwal na problema at aktuwal na nilalaman ng gawain, hindi ninyo alam kung paano kumilos o kung ano ang gagawin; magulo ang lahat at wala kayong ideya kung paano ito aayusin. Talagang masaya kayo sa pagiging abala araw-araw, hapong-hapo ang katawan ninyo, at nakararamdam kayo ng matinding tensyon sa inyong isipan, ngunit hindi gaanong maganda ang mga resulta ng inyong gawain. Ang mga prinsipyo ng bawat katotohanan at ang mga landas ng pagsasagawa ay malinaw nang naipaalam sa inyo sa pamamagitan ng mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos, ngunit wala kayong landas sa inyong gawain, hindi ninyo mahanap ang mga prinsipyo, naguguluhan kayo kapag nahaharap kayo sa mga sitwasyon, hindi ninyo alam kung paano kikilos, at ang lahat ng gawain ninyo ay magulo. Hindi ba’t ito ay kahabag-habag na kondisyon? (Oo.) Ito ay kahabag-habag ngang kondisyon.
Sinasabi ng ilang tao na, “Mahigit sampung taon na akong nananampalataya sa Diyos; marami na akong karanasan bilang mananampalataya.” May mga nagsasabi na, “Dalawang dekada na akong nananampalataya sa Diyos.” Sinasabi naman ng iba na, “Ano ba ang dalawang dekada ng pananampalataya? Mahigit tatlong dekada na akong nananampalataya sa Diyos.” Matagal-tagal na kayong nananampalataya sa Diyos, at ang ilan pa nga sa inyo ay nakapaglingkod na bilang lider o manggagawa sa loob ng maraming taon at marami nang karanasan. Ngunit kumusta ang inyong buhay pagpasok? Gaano kahusay kayong makaunawa sa mga katotohanang prinsipyo? Nakapaglingkod kayo bilang lider o manggagawa sa loob ng maraming taon at nakapagkamit kayo ng karanasan sa inyong gawain, ngunit kapag naharap kayo sa iba’t ibang gampanin, tao, at bagay, ibabatay mo ba ang iyong pagsasagawa sa mga katotohanang prinsipyo? Itataguyod mo ba ang pangalan ng Diyos? Poprotektahan mo ba ang mga interes ng sambahayan ng Diyos? Pangangalagaan mo ba ang gawain ng Diyos? Makakapanindigan ka ba sa iyong patotoo? Kapag nahaharap ka sa mga panggagambala at panggugulo ng mga anticristo at masasamang tao sa gawain ng iglesia, magkakaroon ka ba ng kumpiyansa at lakas para labanan sila? Mapoprotektahan mo ba ang mga hinirang ng Diyos at maitataguyod mo ba ang gawain ng sambahayan ng Diyos, ipagtatanggol mo ba ang mga interes ng sambahayan ng Diyos at ang Kanyang pangalan mula sa pagkapahiya? Magagawa mo ba ito? Sa Aking nakikita, hindi ninyo ito magagawa, at hindi rin pa ninyo ito nagawa. Araw-araw kayong masyadong abala—ano ba ang pinagkakaabalahan ninyo? Sa lahat ng taong ito, isinakripisyo ninyo ang inyong pamilya at propesyon, nagtiis kayo ng hirap, nagbayad ng halaga, at naglaan ng matinding pagsusumikap, ngunit kaunti lamang ang inyong nakamit. May mga lider at manggagawa pa nga na naharap sa kaparehong mga pangyayari, tao, at sitwasyon nang maraming beses, ngunit patuloy pa rin silang gumagawa ng parehong mga pagkakamali, gumagawa ng parehong mga pagsalangsang. Hindi ba’t ipinapakita nito na wala silang paglago sa kanilang buhay? Hindi ba’t nangangahulugan ito na hindi nila nakamit ang katotohanan? (Oo.) Hindi ba’t ipinapakita nito na kinokontrol pa rin sila ni Satanas sa ilalim ng madilim na kapangyarihan nito at hindi pa nila natatamo ang kaligtasan? (Oo.) Kapag umuusbong at nagaganap ang lahat ng uri ng iba’t ibang pangyayari sa paligid mo sa iglesia sa iba’t ibang pagkakataon, wala kang magagawa. Lalo na kapag nahaharap kayo sa mga anticristo at masasamang tao na nanggagambala at nanggugulo sa gawain ng iglesia, hindi ninyo alam kung paano ito pangasiwaan. Hinahayaan na lang ninyo ang mga bagay-bagay, o ang nagagawa na lang ninyo ay magalit at pungusan ang mga nagdudulot ng kaguluhan, ngunit nananatiling hindi nalulutas ang problema, at wala kayong alternatibong plano ng aksyon. Iniisip pa nga ng ilang tao na, “Ibinuhos ko rito ang buong lakas at puso ko—hindi ba’t sinabi ng Diyos na dapat pareho natin itong ibigay? Ibinigay ko na ang lahat ko; kung wala pa ring mga resulta, hindi ko na kasalanan iyon. Sadyang napakasama ng mga tao: Kahit bahaginan mo sila ng katotohanan, hindi sila nakikinig.” Sinasabi mo na ibinuhos mo ang iyong buong lakas at puso, ngunit hindi nagtamo ng anumang resulta ang gawain. Hindi mo itinaguyod ang gawain ng iglesia o pinrotektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at hinayaan mong kontrolin ng masasamang tao ang iglesia. Hinayaan mo si Satanas na magwala at magdala ng kahihiyan sa pangalan ng Diyos, habang nanonood ka lang sa tabi, walang magawa, hindi kayang pangasiwaan ang anuman kahit pa may taglay kang awtoridad. Hindi mo kayang manindigan sa iyong patotoo sa Diyos, subalit iniisip mo na naunawaan mo ang katotohanan at na ibinuhos mo ang iyong buong puso at lakas. Ito ba ang ibig sabihin ng pagiging mabuting tagapangasiwa? (Hindi.) Kapag nagsisilabasan at gumaganap ng iba’t ibang papel bilang mga diyablo at Satanas ang lahat ng uri ng masasamang tao at mga hindi mananampalataya, lumalabag sa mga pagsasaayos ng gawain at gumagawa ng isang bagay na ganap na naiiba, nagsisinungaling at nanlilinlang sa sambahayan ng Diyos; kapag ginugulo at ginagambala nila ang gawain ng Diyos, gumagawa ng mga bagay na nagdudulot ng kahihiyan sa pangalan ng Diyos at dumudungis sa sambahayan ng Diyos, sa iglesia, wala kang ginagawa kundi magalit kapag nakikita mo ito, subalit hindi mo kayang tumindig para itaguyod ang katarungan, ilantad ang masasamang tao, itaguyod ang gawain ng iglesia, harapin at pangasiwaan ang masasamang taong ito, at pigilan sila sa panggugulo sa gawain ng iglesia at pagdungis sa sambahayan ng Diyos, sa iglesia. Sa hindi pagsasagawa ng mga bagay na ito, nabigo kang magpatotoo. May mga taong nagsasabi na, “Hindi ako nangangahas na gawin ang mga bagay na ito, natatakot ako na kung napakarami ng taong haharapin ko, baka magalit sila sa akin, at kung pagtutulungan nila akong atakihin para parusahan ako at alisin sa puwesto, ano ang gagawin ko?” Sabihin mo sa Akin, duwag at mahiyain ba sila, wala ba sa kanila ang katotohanan at hindi ba nila matukoy ang mga tao o makita ang panggugulo ni Satanas, o hindi ba sila tapat sa kanilang pagganap sa tungkulin, sinusubukan lang na protektahan ang kanilang sarili? Ano ba ang tunay na isyu rito? Napag-isipan mo na ba ito? Kung likas kang mahiyain, marupok, duwag, at matatakutin; subalit, pagkatapos ng maraming taon ng pananampalataya sa Diyos, batay sa pagkaunawa sa ilang katotohanan, ay nagkaroon ka ng tunay na pananalig sa Diyos, hindi ba’t mapagtatagumpayan mo na ang ilan sa iyong mga kahinaan bilang tao, ang iyong pagkamahiyain, at pagkamarupok, at hindi ka na matatakot sa masasamang tao? (Oo.) Kung gayon, ano nga ba ang ugat ng inyong kawalan ng kakayahang mangasiwa at humarap sa masasamang tao? Ito ba ay dahil likas na duwag, mahiyain, at matatakutin ang inyong pagkatao? Hindi ito ang ugat o ang diwa ng problema. Ang diwa ng problema ay na ang mga tao ay hindi tapat sa Diyos; pinoprotektahan nila ang kanilang sarili, ang kanilang personal na seguridad, reputasyon, katayuan, at ang kanilang malalabasan. Ang kanilang kawalan ng katapatan ay naipapamalas sa kanilang palagiang pagprotekta sa kanilang sarili, pag-atras tulad ng isang pagong papasok sa bahay nito kapag nahaharap sila sa anumang bagay, at paghihintay nilang lumipas muna ito bago nila muling ilabas ang kanilang ulo. Anuman ang kanilang nakakatagpo, palagi silang nag-iingat nang husto, sobrang nababalisa, nag-aalala, at nangangamba, at hindi nila kayang tumayo at ipagtanggol ang gawain ng iglesia. Ano ang problema rito? Hindi ba’t ito ay kawalan ng pananalig? Wala kang tunay na pananalig sa Diyos, hindi ka naniniwala na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, at hindi ka naniniwala na ang buhay mo, ang lahat ng sa iyo ay nasa mga kamay ng Diyos. Hindi ka naniniwala sa sinasabi ng Diyos na, “Kung walang pahintulot ng Diyos, hindi mangangahas si Satanas na galawin ni isang buhok sa iyong katawan.” Umaasa ka sa sarili mong mga mata at hinuhusgahan mo ang mga katunayan, hinuhusgahan mo ang mga bagay-bagay batay sa sarili mong mga pagtataya, palaging pinoprotektahan ang iyong sarili. Hindi ka naniniwala na ang kapalaran ng isang tao ay nasa mga kamay ng Diyos; natatakot ka kay Satanas, natatakot ka sa masasamang puwersa at masasamang tao. Hindi ba’t ito ay kawalan ng tunay na pananalig sa Diyos? (Oo.) Bakit walang tunay na pananalig sa Diyos? Ito ba ay dahil masyadong mababaw ang mga karanasan ng mga tao at hindi nila maunawaang mabuti ang mga bagay na ito, o ito ba ay dahil sa napakakaunti ng kanilang pagkaunawa sa katotohanan? Ano ang dahilan? May kinalaman ba ito sa mga tiwaling disposisyon ng mga tao? Ito ba ay dahil masyadong tuso ang mga tao? (Oo.) Gaano man karami ang nararanasan nila, gaano man karaming katunayan ang inilalatag sa harap nila, hindi sila naniniwala na ito ay gawain ng Diyos, o na ang kapalaran ng isang tao ay nasa mga kamay ng Diyos. Isang aspekto ito. Ang isa pang malubhang isyu ay ang sobrang pag-aalala ng mga tao sa kanilang sarili. Hindi sila handang magbayad ng anumang halaga o magsakripisyo para sa Diyos, para sa Kanyang gawain, para sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, para sa Kanyang pangalan, o para sa Kanyang kaluwalhatian. Hindi sila handang gawin ang anumang bagay na may kalakip na kahit pinakakatiting na panganib. Masyadong nag-aalala ang mga tao sa kanilang sarili! Dahil sa kanilang takot na mamatay, na mapahiya, na mabitag ng masasamang tao, at na masadlak sa anumang uri ng suliranin, ginagawa ng mga tao ang lahat para mapangalagaan ang kanilang sariling laman, sinisikap na hindi sila mapasok sa anumang delikadong sitwasyon. Sa isang aspekto, ipinapakita ng ganitong pag-uugali na masyadong tuso ang lahat ng tao, habang sa isa pang aspekto, ibinubunyag nito ang kanilang pangangalaga sa sarili at kasakiman. Hindi ka handang ialay ang iyong sarili sa Diyos, at kapag sinasabi mo na handa kang igugol ang iyong sarili para sa Diyos, ito ay hangarin lamang. Pagdating sa tunay na pagsulong at pagpapatotoo sa Diyos, paglaban kay Satanas, at pagharap sa panganib, kamatayan, at iba’t ibang suliranin at paghihirap, ayaw mo na. Gumuguho ang iyong munting hangarin, at ginagawa mo ang lahat ng posibleng paraan para protektahan muna ang iyong sarili, at pagkatapos ay gumagawa ka ng mababaw na gawain na kinakailangan mong gawin, isang gawain na nakikita ng lahat. Ang isipan ng tao ay mas mabilis pa rin kaysa sa isang makina: Alam ng mga tao kung paano makiangkop, alam nila kung aling mga kilos ang nakakatulong sa kanilang mga pansariling interes at kung alin ang hindi kapag nakakatagpo sila ng mga sitwasyon, at mabilis nilang nagagamit ang bawat pamamaraan na abot-kamay nila. Bilang resulta, sa tuwing kinakaharap mo ang mga bagay-bagay, hindi nakakapanindigan ang iyong maliit na tiwala sa Diyos. Kumikilos ka nang tuso sa Diyos, gumagamit ka ng mga taktika laban sa Kanya, at nanlalansi ka, at ibinubunyag nito na wala kang tunay na pananalig sa Diyos. Iniisip mo na hindi mapagkakatiwalaan ang Diyos, na maaaring hindi ka Niya kayang protektahan o masigurong ligtas ka, at na maaaring hayaan ka pa nga ng Diyos na mamatay. Pakiramdam mo ay hindi maaasahan ang Diyos, at na makakasiguro ka lang kung aasa ka sa iyong sarili. Ano ang nangyayari sa huli? Anumang mga sitwasyon o usapin ang kinakaharap mo, pinangangasiwaan mo ang mga ito gamit ang mga pamamaraan, taktika, at estratehiyang ito, at hindi ka nakakapanindigan sa iyong patotoo sa Diyos. Anuman ang mga sitwasyon, hindi mo magawang maging isang kwalipikadong lider o manggagawa, hindi ka makapagpakita ng mga katangian o kilos ng isang tagapangasiwa, at hindi ka makapagpakita ng ganap na katapatan, kaya’t nawawalan ka ng patotoo. Gaano man karaming usapin ang kinakaharap mo, hindi mo magawang umasa sa iyong pananalig sa Diyos upang makapagpakita ka ng katapatan at pananagutan. Kaya’t ang pinakaresulta, wala kang nakakamit. Sa bawat sitwasyon na pinamatnugutan ng Diyos para sa iyo, at kapag nakikipaglaban ka kay Satanas, palagi mong pinipiling umatras at tumakas. Hindi mo nagawang sundan ang landas na itinuro o isinaayos ng Diyos na danasin mo. Kaya, sa gitna ng labang ito, napapalagpas mo ang katotohanan, pagkaunawa, at mga karanasang dapat sana ay nakamit mo. Sa bawat pagkakataong nalalagay ka sa mga sitwasyong pinamatnugutan ng Diyos, ganoon mo pa rin hinaharap ang mga ito, at gaanon mo pa rin tinatapos ang lahat ng ito. Sa huli, pareho lang ang doktrina at mga aral na natututunan mo. Wala kang anumang tunay na pagkaunawa, ilang karanasan at aral lamang ang iyong napulot, tulad ng: “Hindi ko na ito dapat gawin sa hinaharap. Kapag naharap ako sa mga ganitong sitwasyon, dapat akong mag-ingat, dapat kong paalalahanan ang sarili ko tungkol dito, dapat akong mag-ingat sa ganoong klase ng tao, iwasan ang ganitong klase, at maging mapagbantay sa ganoong tao.” Iyon lang. Ano ba ang nakamit mo? Iyon ba ay kagalingan at kabatiran, o karanasan at mga aral? Kung ang iyong nakakamit ay walang kinalaman sa katotohanan, wala kang nakamit, wala ni isa man sa dapat mong nakamit. Kaya, sa mga sitwasyong pinamatnugutan ng Diyos, binigo mo Siya; hindi mo natamo ang nilayon Niya para sa iyo, kaya’t tiyak na nabigo mo ang Diyos. Sa pagsubok o sitwasyong ito na pinamatnugutan ng Diyos, hindi mo natamo ang katotohanang nais Niyang taglayin mo. Hindi lumago ang iyong may-takot-sa-Diyos na puso, nananatiling malabo ang mga katotohanang dapat mong maunawaan, wala ka pa ring pagkaunawa sa mga aspektong kinakailangan mo ng pagkaunawa tungkol sa iyong sarili, ang mga aral na dapat mo sanang napulot ay hindi pa natatamo, at ang mga katotohanang prinsipyo na dapat mong sundin ay lumayo sa iyo. Kasabay nito, hindi rin lumago ang iyong pananalig sa Diyos; kagaya pa rin ito noong una kang magsimula. Naiipit ka sa parehong sitwasyon. Kung gayon, ano ang nadagdag? Marahil ngayon ay nauunawaan mo na ang ilang doktrina na hindi mo alam noon, o nakita mo na ang masamang bahagi ng isang partikular na uri ng tao na hindi mo naunawaan noon. Pero ang pinakamaliit na bahagi na may kaugnayan sa katotohanan ay hindi mo pa rin nakikita, naiintindihan, nakikilala, at nararanasan. Habang nagpapatuloy ka sa iyong gawain o sa paggampan sa tungkulin, hindi mo pa rin nauunawaan o natututunan ang mga prinsipyong dapat mong sundin. Labis itong nakakadismaya sa Diyos. Sa pinakamababa, sa partikular na sitwasyong ito, hindi nadagdagan ang iyong katapatan sa Diyos o ang pananalig na dapat sana ay lumalago sa loob mo. Hindi mo natamo ang alinman sa dalawa, na talagang kahabag-habag! Maaaring sabihin ng ilan na, “Sinasabi mong wala akong nakamit na kahit ano, pero hindi tama iyan. Kahit papaano, nagkaroon ako ng pagkakilala sa sarili ko at pagkaunawa sa mga tao, pangyayari, at bagay sa paligid ko. Mayroon na akong mas malinaw na pagkaunawa sa pagkatao at sa sarili ko.” Maituturing bang tunay na pag-usad ang pagkaunawa sa mga bagay na ito? Kahit pa hindi ka nananampalataya sa Diyos, kapag umabot ka na sa edad na kuwarenta o singkuwenta, medyo magiging pamilyar ka na sa mga ganitong bagay. Ang mga taong may maliit o katamtamang kakayahan ay kayang makamit ito; kaya nilang maunawaan ang kanilang sarili, ang mabubuti at masasamang maidudulot, ang mga kalakasan at kahinaan ng kanilang pagkatao, pati na rin kung saan sila magaling at hindi. Kapag nasa edad kuwarenta o singkuwenta na sila, dapat ay mayroon na silang kaunting pagkaunawa sa pagkatao ng iba’t ibang klase ng tao na madalas nilang nakakasalamuha. Dapat ay alam na nila kung anong klase ng mga tao ang angkop na makasalamuha at anong klase ang hindi, kung sino ang angkop na pakisamahan at sino ang hindi, kung kanino sila dapat dumistansiya at kanino dapat makipaglapit—kahit papaano ay naiintindihan na nila ang lahat ng ito. Kung ang isang tao ay magulo ang isip, napakahina ang kakayahan, hangal, o may problema sa pag-iisip, wala siyang ganitong pagkaunawa. Kung maraming taon ka nang nananampalataya sa Diyos, kung narinig mo na ang napakaraming katotohanan, at naranasan mo na ang napakaraming iba’t ibang sitwasyon, at ang tanging nakamit mo ay nasa larangan ng pagkatao ng mga tao, sa pagkilatis sa mga tao o pag-unawa sa ilang simpleng usapin, maituturing ba itong isang bagay na tunay na nakamit? (Hindi.) Kung gayon, ano nga ba ang maituturing na isang bagay na tunay na nakamit? Ito ay may kaugnayan sa iyong tayog. Kung may nakakamit ka, umuusad ka, at lumalago ang tayog mo; kung wala ka talagang nakakamit na kahit ano, hindi lumalago ang iyong tayog. Kaya, ano ang tinutukoy ng nakamit na ito? Sa pinakamababa, ito ay may kaugnayan sa katotohanan; sa mas partikular, sa mga katotohanang prinsipyo. Kapag nauunawaan, nasusunod, at naisasagawa mo ang mga katotohanang prinsipyo na dapat sundin habang pinangangasiwaan mo ang iba’t ibang usapin at tao, at ang mga ito ay nagiging mga prinsipyo at pamantayan mo sa iyong pag-asal, isa itong tunay na nakamit. Kapag ang mga katotohanang prinsipyong ito ay naging mga prinsipyo at batayan na dapat mong sundin sa iyong pag-asal, nagiging parte ang mga ito ng buhay mo. Kapag ang aspektong ito ng katotohanan ay naikintal sa iyo, nagiging buhay mo ito, at saka lang lalago ang buhay mo. Kung hindi mo pa nauunawaan ang mga katotohanang prinsipyong nauugnay sa mga ganitong usapin, at hindi mo pa alam kung paano pangasiwaan ang mga ito kapag nakaharap mo, pagdating sa bagay na ito ay hindi mo pa nakakamit ang katotohanan. Malinaw na ang aspektong ito ng katotohanan ay hindi ang buhay mo, at hindi pa lumalago ang buhay mo. Ang maging mahusay sa pagsasalita ay walang silbi—pawang doktrina lang naman ito. Masusukat mo ba ito? (Oo.) Nagkaroon ka ba ng pag-usad sa panahong ito? (Hindi.) Ginamit mo lang ang iyong kalooban at katalinuhan ng tao upang ibuod ang ilang karanasan, gaya ng pagsasabing, “Sa pagkakataong ito, natutunan ko kung anong mga bagay ang hindi ko na sasabihin o gagawin, kung anong mga bagay ang mas higit kong gagawin o ang babawasan ko, at kung ano ang hinding-hindi ko gagawin.” Ito ba ay tanda ng paglago sa buhay mo? (Hindi.) Ito ay tanda na wala ka talagang espirituwal na pagkaunawa. Ang kaya mo lang gawin ay magbuod ng mga panuntunan, salita, at sawikain, na wala namang kinalaman sa katotohanan. Hindi ba’t ganyan ang ginagawa ninyo? (Oo.) Sa tuwing may nararanasan kayo, pagkatapos ng bawat mahalagang pangyayari, pinaaalalahanan ninyo ang inyong sarili, sinasabing, “Naku, dapat ko itong gawin nang ganito o ganyan sa hinaharap.” Subalit sa susunod na mangyari ang parehong sitwasyon, humahantong pa rin ito sa kabiguan, at nadidismaya kayo, napapatanong, “Bakit ako ganito?” Nagagalit ka sa iyong sarili, iniisip na nabigo kang makamit ang iyong mga ekspektasyon. Makakatulong ba ito? Hindi naman ito dahil sa nabigo kang makamit ang iyong mga ekspektasyon, o dahil sa hangal ka, o na dahil mali ang mga sitwasyong pinamatnugutan ng Diyos, at lalo namang hindi ito dahil sa hindi patas ang pagtrato ng Diyos sa mga tao. Ito ay dahil hindi mo hinahangad o hinahanap ang katotohanan, hindi ka kumikilos ayon sa mga salita ng Diyos, at hindi mo pinakikinggan ang mga salita ng Diyos. Palagi mong dinadala rito ang kalooban ng tao; ikaw ang sarili mong panginoon, at hindi mo hinahayaang mamuno ang mga salita ng Diyos. Mas gugustuhin mo pang makinig sa ibang tao kaysa sa mga salita ng Diyos. Hindi ba’t ganito ang nangyayari? (Oo, ganito nga.) Sa tingin mo ba, sa pamamagitan ng pag-iipon ng ilang karanasan at aral mula sa iisang pangyayari o partikular na sitwasyon ay nakausad ka na? Kung tunay kang nakausad, sa susunod na subukin ka ng Diyos, magagawa mo nang ipagtanggol ang pangalan ng Diyos, protektahan ang mga interes at ang gawain ng sambahayan ng Diyos, at tiyakin na tumatakbo nang maayos ang lahat ng gawain, at na hindi ito nagugulo at nahahadlangan. Titiyakin mo na mananatiling malinis at walang dungis ang pangalan ng Diyos, na hindi magdurusa ng mga kawalan ang paglago ng buhay ng iyong mga kapatid, at na mapoprotektahan ang mga handog sa Diyos. Nangangahulugan ito na nakausad ka na, na angkop kang gamitin, at na mayroon kang buhay pagpasok. Sa ngayon, hindi pa ninyo nararating iyon; bagamat maliit ang utak ninyo, puno ito ng maraming bagay, at hindi mahina ang isip ninyo. Bagamat maaaring mayroon kang sinseridad na gugulin ang iyong sarili para sa Diyos at hangarin na bitiwan at talikuran ang lahat para sa Kanya, kapag nahaharap ka sa mga isyu, hindi mo magawang maghimagsik laban sa iyong iba’t ibang pagnanais, layunin, at plano. Habang mas dumaranas ng iba’t ibang paghihirap ang sambahayan at gawain ng Diyos, mas lalo kang umaatras, mas lalo kang hindi nakikita sa paligid, at mas malamang na hindi ka titindig at mangangasiwa sa gawaing iyon, na pangangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos at ang gawain ng Diyos. Kung gayon, ano ang nangyari sa iyong sinseridad na gugulin ang iyong sarili para sa Diyos? Bakit ba sobrang madaling masira at marupok ang kakaunting sinseridad na iyon? Ano na ang nangyari sa iyong kaunting pagnanais na ialay at talikuran ang lahat para sa Diyos? Bakit hindi ito makapanindigan? Ano ang sanhi ng pagkamarupok nito? Ano ang napapatunayan dito? Napapatunayan dito na wala kang tunay na tayog, na sobrang baba ng tayog mo, at na madali kang lituhin ng isang munting demonyo: Gambalain ka lang nito nang kaunti ay tatalima ka na para sundin ang munting demonyong iyon. Kahit pa mayroon kang kaunting tayog, ito ay limitado sa karanasan mo sa ilang mabababaw na bagay na walang kaugnayan sa sarili mong mga interes, at halos hindi mo pa rin maprotektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos at magawa ang ilang maliliit na bagay na sa tingin mo ay kaya mong gawin o nasa saklaw ng iyong mga abilidad. Pagdating talaga sa paninindigan sa iyong patotoo, kapag naharap ang iglesia sa malawakang pagsupil at panggugulo ng masasamang tao at ng mga anticristo, nasaan ka? Ano ang ginagawa mo? Ano ang iniisip mo? Malinaw nitong inilalarawan ang problema, hindi ba? Kung ang isang anticristo, habang gumaganap sa kanyang tungkulin, ay nanlilinlang sa mga nakatataas at nasa ibaba niya at kumikilos nang walang ingat, ginagambala at ginugulo ang gawain ng iglesia, nilulustay ang mga handog, at nililihis ang mga kapatid na sumunod sa kanya, at bukod sa nabibigo kang kilatisin siya, pigilan ang kanyang mga pagtatangka, o iulat siya, ay sinasamahan at tinutulungan mo pa nga ang anticristo na magtamo ng mga resultang nais niya sa paggawa ng lahat ng ito, sabihin mo sa Akin, ano ang nagiging epekto ng iyong kaunting determinasyon na talagang gugulin ang iyong sarili para sa Diyos? Hindi ba’t ito ang tunay mong tayog? Kapag dumarating ang mga anticristo, masasamang tao, at lahat ng uri ng hindi mananampalataya para guluhin at sirain ang gawain ng sambahayan ng Diyos, lalo na kapag dinudungisan nila ang iglesia at nagdadala sila ng kahihiyan sa pangalan ng Diyos, ano ang ginagawa mo? Tumindig ka na ba para magsalita upang ipagtanggol ang gawain ng sambahayan ng Diyos? Tumindig ka na ba para sugpuin ang kanilang mga pagtatangka o pigilan sila? Bukod sa nabigo kang tumindig at pigilan sila, sinasamahan mo pa ang mga anticristo sa paggawa ng kasamaan, tinutulungan at sinusulsulan mo sila, at umaakto ka bilang kanilang kasangkapan at alipores. Higit pa rito, kapag may sumusulat para ipaalam ang isang problema tungkol sa mga anticristo, isinasantabi mo ang sulat at pinipili mong hindi ito asikasuhin. Kaya, sa ganitong napakahalagang sandali, mayroon bang anumang epekto ang iyong determinasyon at hangarin na talikuran ang lahat upang taimtim na maigugol ang iyong sarili para sa Diyos? Kung wala itong epekto, talagang malinaw na ang diumano’y hangarin at determinasyong ito ay hindi mo tunay na tayog, hindi ang mga ito ang nakamit mo sa maraming taon na pananampalataya sa Diyos. Hindi mapapalitan ng mga ito ang katotohanan; ang mga ito ay hindi katotohanan o buhay pagpasok. Ang mga ito ay hindi sumisimbolo na may buhay ang isang tao, kundi isang uri lang ito ng pangangarap nang gising, isang pag-asam at pananabik na mayroon ang mga tao para sa isang magandang bagay—walang kinalaman ang mga ito sa katotohanan. Kaya, kailangan ninyong magising at makita nang malinaw ang inyong tunay na tayog. Huwag ninyong isipin na dahil lang mayroon kayong kaunting kakayahan, at natalikuran na ninyo ang maraming bagay tulad ng edukasyon, propesyon, pamilya, pag-aasawa, at mga pag-asam ng laman, ay medyo mataas na ang tayog ninyo. May ilang tao pa nga na naging lider o manggagawa mula nang maglatag sila ng pundasyon sa kanilang panimulang pananalig sa Diyos. Sa mga taon na lumipas, nakaipon sila ng ilang karanasan at aral, at nakakapangaral sila ng ilang salita at doktrina. Dahil dito, pakiramdam nila ay mas mataas ang kanilang tayog kaysa sa iba, na mayroon silang buhay pagpasok, at na sila ang mga sandigan at haligi sa sambahayan ng Diyos at ang mga pineperpekto ng Diyos. Mali ito. Huwag ninyong isipin na mabuti ang inyong sarili—malayo pa kayo roon! Ni hindi nga ninyo makilatis ang mga anticristo; wala kayong tunay na tayog. Bagamat maraming taon ka nang naglilingkod bilang lider o manggagawa, wala pa ring isang larangan kung saan maaari kang maging angkop, hindi ka gaanong nakakagawa ng tunay na gawain, at nag-aatubili ang iba na gamitin kayo. Hindi ka isang taong may mahusay na talento. Kung mayroon man sa inyo na nagpapahalaga sa pagsusumikap at pagtitiis ng hirap, sa pinakamainam, kayo ay masipag na manggagawa lamang. Hindi kayo angkop. Ang ilang tao ay nagiging lider o manggagawa dahil lamang sa sila ay masigasig, may pundasyon sa edukasyon, at nagtataglay ng isang kakayahan. Bukod dito, hindi makahanap ang ibang iglesia ng taong nababagay na mangasiwa, kaya’t itinataas ang ranggo ng mga taong ito taliwas sa panuntunan at isinasailalim sila sa pagsasanay. Sa mga indibidwal na ito, may ilan na unti-unti nang napalitan at naitiwalag habang inilalantad ang iba’t ibang klase ng mga tao. Bagamat nananatili pa rin ang ilan na patuloy na sumusunod hanggang ngayon, hindi pa rin sila makakilatis ng anuman. Nagawa lamang nilang manatili dahil hindi sila nakagawa ng anumang kasamaan. Higit pa rito, ganap na dahil sa mga pagsasaayos ng gawain mula sa Itaas, kasama na ang direktang paggabay, pangangasiwa, pagtatanong, pag-aasikaso, pagsusubaybay, at pagpupungos, na sila ay nakakagawa ng ilang gawain—ngunit hindi ito nangangahulugang sila ay mga angkop na indibidwal. Ito ay dahil madalas kayong sumasamba sa iba, sumusunod sa kanila, naliligaw, gumagawa ng mga maling bagay, at nalilito nang husto ng ilang maling pananampalataya at paniniwala, nawawalan kayo ng direksiyon at hindi ninyo alam kung sino talaga ang inyong pinaniniwalaan sa huli. Ito ang tunay ninyong tayog. Kung sasabihin Kong wala talaga kayong buhay pagpasok, hindi iyon makatarungan sa inyo. Maaari Ko lang sabihin na napakalimitado ng inyong mga karanasan. Mayroon lamang kayong kaunting pagpasok matapos kayong pungusan at seryosong disiplinahin, ngunit pagdating sa mga bagay na may kinalaman sa mahahalagang prinsipyo, lalo na kapag nakakaharap kayo ng mga anticristo, ng mga huwad na lider na nanlilihis at nanggugulo, wala kayong napapatunayan sa inyong sarili, at wala kayong anumang patotoo. Pagdating sa mga karanasan sa buhay at sa buhay pagpasok, masyadong mababaw ang mga karanasan ninyo, at wala kayong tunay na pagkaunawa sa Diyos. Wala pa rin kayong napapatunayan sa aspektong ito. Pagdating sa aktuwal na gawain ng iglesia, hindi ninyo alam kung paano magbahagi tungkol sa katotohanan at lumutas ng mga problema; wala rin kayong mapatunayan sa bagay na ito. Sa mga aspektong ito, wala kayong mapatunayan sa inyong sarili. Kaya, hindi kayo angkop na maging lider at manggagawa. Gayunpaman, bilang mga ordinaryong mananampalataya, karamihan sa inyo ay may kaunting buhay pagpasok, bagaman ito ay napakaliit at walang katotohanang realidad. Kung makakayanan ba ninyo ang mga pagsubok ay kailangan pang obserbahan. Kapag aktuwal na lumitaw ang malalaking pagsubok, ang mga di-pangkaraniwang tukso, o ang matindi at direktang pagkastigo at paghatol mula sa Diyos, saka lang masusubok kung mayroon kang tunay na tayog at katotohanang realidad, kung kaya mo bang manindigan sa iyong patotoo, kung ano ang magiging mga sagot mo sa iyong pagsusulit, at kung matutugunan mo ba ang mga hinihingi ng Diyos—doon lang makikita ang tunay mong tayog. Sa ngayon, masyado pang maaga para sabihing mayroon kang tayog. Tungkol naman sa pagiging lider at manggagawa, wala kayong tunay na tayog. Kapag may nangyayari sa inyo, naguguluhan kayo, at kapag nahaharap kayo sa mga panggugulo ng masasamang tao o mga anticristo, kayo ay nagagapi. Hindi ninyo matapos ang anumang importanteng gampanin nang kayo lang; palagi kayong nangangailangan ng isang tao para mangasiwa, gumabay, at makipagtulungan sa inyo upang matapos ang gawain. Sa madaling salita, hindi ninyo kayang mamahala. Ginagampanan man ninyo ang papel ng pinuno o tagasuporta, hindi ninyo kayang akuin o tapusin nang mag-isa ang isang gampanin; lubhang wala kayong kakayahan na tapusin nang maayos ang isang gampanin kung walang pangangasiwa at pagmamalasakit mula sa Itaas. Kung, sa huli, ay ipinapakita ng isang pagsusuri sa inyong gawain na gumawa kayo nang maayos sa lahat ng aspekto, na ibinuhos ninyo ang inyong puso sa bawat parte ng inyong gawain, na nagawa ninyo nang maayos ang lahat at napangasiwaan ninyo ang lahat ng ito nang tama at alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo, at na gumawa kayo batay sa malinaw na pagkaunawa sa katotohanan at paghahanap sa mga katotohanang prinsipyo, upang malutas ninyo ang mga isyu at magawa ninyo nang maayos ang inyong gawain, kung magkagayon, kayo ay angkop. Gayunpaman, hanggang sa puntong ito, kung huhusgahan ang lahat ng naranasan ninyo, hindi kayo angkop. Ang pangunahing isyu sa pagiging angkop ninyo ay na hindi ninyo matapos ang mga itinalagang gampanin sa inyo nang kayo lang—ito ay isang aspekto. Sa isa pang aspekto, kung walang pangangasiwa mula sa Itaas, maaaring maligaw ang mga tao o tumalikod sila sa tamang landas dahil sa inyo. Hindi ninyo sila maakay sa harap ng Diyos o madala ang mga kapatid sa iglesia tungo sa katotohanang realidad o sa tamang landas ng pananalig sa Diyos, upang magampanan ng lahat ng hinirang ng Diyos ang kanilang tungkulin. Hindi ninyo makamit ang alinman sa mga ito. Kapag may panahon na walang pagtatanong mula sa Itaas, palaging maraming paglihis at kapintasan sa loob ng saklaw ng gawaing responsabilidad ninyo, pati na rin iba’t ibang uri at kalubhaan ng mga problema; at kung hindi itinutuwid, pinangangasiwaan, o personal na inaasikaso ng Itaas ang mga ito, hindi natin alam kung hanggang saan aabot o kung kailan titigil ang mga paglihis na ito. Ito ang tunay ninyong tayog. Kaya nga sinasabi Ko na hindi talaga kayo angkop. Gusto ba ninyong marinig ito? Hindi ba kayo nakakaramdam ng pagkanegatibo matapos ninyong marinig ito? (Diyos ko, medyo hindi kami komportable tungkol dito sa puso namin, pero ang ibinabahagi ng Diyos ay isa ngang katunayan. Wala kaming kahit katiting na tayog o katotohanang realidad. Kapag lumitaw ang mga anticristo, hindi namin sila makikilatis.) Kailangan Kong ipaalam sa inyo ang mga bagay na ito; kung hindi, palagi ninyong mararamdaman na kayo ay inagrabyado at inapi. Hindi ninyo nauunawaan ang katotohanan; ang alam lang ninyo ay mangusap tungkol sa ilang salita at doktrina. Sa mga pagtitipon, kadalasan nga ay hindi na kayo naghahanda ng draft para magsalita ng doktrina, at hindi na kayo kinakabahang magsalita, kaya inaakala ninyo na mayroon na kayong tayog. Kung mayroon kang tayog, bakit hindi ka angkop? Bakit hindi mo kayang magbahagi tungkol sa katotohanan at tumugon sa mga isyu? Ang alam mo lang ay ang mangusap tungkol sa mga salita at doktrina para mapasang-ayon mo ang iyong mga kapatid. Hindi nito napapalugod ang Diyos, at hindi ka nito ginagawang angkop. Ang abilidad mong mangusap tungkol sa mga salita at doktrinang ito ay hindi makakalutas ng anumang aktuwal na problema. Nagsasaayos ang Diyos ng isang maliit na sitwasyon na naglalantad sa iyo, at nagiging malinaw kung gaano kababa ang tayog mo, na talagang hindi mo nauunawaan ang katotohanan, at na hindi mo makilatis ang anumang bagay; at inilalantad nito na ikaw ay dukha, kahabag-habag, bulag, at mangmang. Hindi ba’t ito ang nangyayari? (Oo.) Kung kaya ninyong tanggapin ang mga bagay na ito, mabuti; kung hindi, huwag kayong magmadali at pag-isipan ninyo ito. Isaalang-alang ninyo ang sinasabi Ko: May katuturan ba ito, batay ba ito sa realidad? Totoo ba ito sa kaso ninyo? Kahit pa totoo ito sa kaso ninyo, huwag kayong maging negatibo. Hindi makakatulong ang pagiging negatibo sa paglutas ninyo sa anumang problema. Bilang isang mananampalataya sa Diyos, kung nais mong gampanan ang iyong tungkulin at maging isang lider o manggagawa, hindi ka maaaring sumuko kapag naharap ka sa mga dagok at kabiguan. Kailangan mong bumangong muli at magpatuloy sa pagsulong. Kailangan mong tumuon sa pagsangkap sa iyong sarili ng ilang aspekto ng katotohanan kung saan wala o kulang ka nito, at kung saan mayroon kang malulubhang problema. Ang pagiging negatibo o hindi makakilos ay hindi makakatulong sa paglutas ng anumang bagay. Kapag nahaharap ka sa mga isyu, itigil mo na ang pagbanggit ng mga salita at doktrina, pati na rin ng iba’t ibang uri ng obhetibong pangangatwiran—hindi makakatulong ang mga ito. Kapag sinubok ka ng Diyos, at sinabi mong, “Noong panahong iyon, hindi gaanong maganda ang kalusugan ko, bata pa ako, at hindi gaanong mapayapa ang kapaligiran ko,” makikinig ba ang Diyos dito? Itatanong Niya, “Narinig mo ba ang katotohanan nang ibinahagi ito sa iyo?” Kung sasabihin mong, “Oo, narinig ko,” itatanong Niya, “Nasa iyo ba ang ibinigay na mga pagsasaayos ng gawain?” Pagkatapos, sasabihin mo na, “Oo, nasa akin ang mga iyon,” at magpapatuloy Siya: “Kung gayon, bakit hindi mo sinunod ang mga iyon? Bakit lubha kang nabigo? Bakit hindi ka makapanindigan sa iyong patotoo?” Walang katuturan ang anumang obhetibong katwiran na bibigyang-diin mo. Hindi interesado ang Diyos sa iyong mga dahilan o katwiran. Hindi Siya tumitingin sa dami ng doktrinang kaya mong sabihin o kung gaano ka kagaling sa pagtatanggol sa iyong sarili. Ang nais ng Diyos ay ang tunay mong tayog at na lumago ang buhay mo. Kahit kailan, maging anumang antas ka man ng lider, o gaano man kataas ang iyong katayuan, huwag mong kalimutan kung sino ka at kung ano ka sa harap ng Diyos. Gaano man karaming doktrina ang kaya mong sabihin, gaano ka man kahusay sa pagsasalita ng doktrina, anuman ang nagawa mo o anuman ang mga naiambag mo sa sambahayan ng Diyos, wala sa mga ito ang nagpapakita na mayroon kang tunay na tayog, at hindi rin palatandaan ang mga ito ng pagkakaroon ng buhay. Kapag pumapasok ka sa katotohanang realidad, kapag nauunawaan mo ang mga katotohanang prinsipyo, kapag nakakapanindigan ka sa iyong patotoo kapag nahaharap ka sa mga bagay-bagay, kapag nagagawa mong tapusin ang mga gampanin nang ikaw lang, at angkop kang gamitin, magkakaroon ka na ng tunay na tayog. Buweno, tapusin na natin dito ang talakayang ito at pag-usapan na natin ang pangunahing paksa ng ating pagbabahaginan.
Saan tayo nagtapos sa ating pagbabahaginan noong huling pagtitipon? (Noong huling pagtitipon, nagbahagi ang Diyos tungkol sa “pagbitiw sa mga pasanin na nagmumula sa pamilya.” Ang isang bahagi nito ay ang pagbitiw sa mga ekspektasyon sa mga anak. Ipinaliwanag ito sa atin ng Diyos sa dalawang yugto: Ang isa ay may kinalaman sa pag-uugali ng mga magulang habang ang kanilang mga anak ay bata pa, at ang isa naman ay may kinalaman sa kanilang pag-uugali kapag nasa hustong gulang na ang kanilang mga anak. Anuman ang edad ng kanilang mga anak, nasa hustong gulang man ang mga ito o wala pa, ang totoo, ang pag-uugali at mga kilos ng mga magulang ay sumasalungat sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Palagi nilang gustong kontrolin ang tadhana ng kanilang mga anak at manghimasok sa buhay ng mga ito, ngunit ang landas na pinipili ng mga anak at ang mga paghahangad na mayroon sila ay hindi isang bagay na maitatakda ng kanilang mga magulang. Ang kapalaran ng mga tao ay hindi maaaring kontrolin ng kanilang mga magulang. Itinuro din ng Diyos ang tamang pananaw sa pagtingin sa mga bagay-bagay: Anuman ang yugto ng buhay ng isang anak, sapat na para sa mga magulang nito na tuparin ang kanilang mga responsabilidad, at ang natitira ay tungkol na sa pagpapasakop sa kataas-taasang kapangyarihan, mga pagsasaayos, at paunang pagtatakda ng Diyos.) Noong huli, nagbahaginan tayo tungkol sa katunayan na dapat bitiwan ng mga tao ang mga ekspektasyon ng mga magulang sa kanilang mga anak. Siyempre, ang mga ekspektasyong ito ay udyok ng kagustuhan at ideya ng tao, at hindi tumutugma ang mga ito sa katunayan na isinasaayos ng Diyos ang tadhana ng tao. Ang mga ekspektasyong ito ay hindi parte ng responsabilidad ng tao; ang mga ito ay dapat bitiwan ng mga tao. Gaano man kalaki ang mga ekspektasyon ng mga magulang sa kanilang mga anak, at gaano man inaakala ng mga magulang na wasto at nararapat ang mga ekspektasyon nila sa kanilang mga anak, hangga’t lumalabag ang mga ekspektasyong ito sa katotohanan na ang Diyos ay may kataas-taasang kapangyarihan sa tadhana ng tao, dapat bitiwan ng mga tao ang mga ekspektasyong ito. Masasabi na isa rin itong negatibong bagay; hindi ito wasto o positibo. Sumasalungat ito sa mga responsabilidad ng magulang at lagpas ito sa saklaw ng mga responsabilidad na iyon, at binubuo ito ng mga di-makatotohanang ekspektasyon at hinihingi na salungat sa pagkatao. Noong huli, nagbahaginan tayo tungkol sa ilang di-normal na kilos at asal, pati na rin sa ilang labis-labis na pag-uugali, na ipinapakita ng mga magulang sa kanilang mga anak na wala pa sa hustong gulang, na nagdudulot ng iba’t ibang negatibong impluwensiya at tensyon sa kanilang mga anak, na sumisira sa pisikal, mental, at espirituwal na kapakanan ng mga anak. Ang mga bagay na ito ay nagpapahiwatig na ang ginagawa ng mga magulang ay hindi naaangkop at hindi nararapat. Ito ay mga kaisipan at kilos na dapat bitiwan ng mga taong naghahangad sa katotohanan, sapagkat, mula sa perspektiba ng pagkatao, ang mga ito ay isang malupit at di-makataong paraan ng pagwasak sa pisikal at mental na kapakanan ng isang bata. Samakatuwid, ang dapat gawin ng mga magulang para sa kanilang mga anak na wala pa sa hustong gulang ay ang tuparin ang kanilang mga responsabilidad, at hindi ang planuhin, kontrolin, patnugutan, o itakda ang hinaharap at tadhana ng mga anak. Hindi ba’t binanggit natin noong huli ang dalawang pangunahing aspekto ng pagtupad ng mga magulang sa kanilang mga responsabilidad sa kanilang mga menor de edad na anak? (Oo.) Kung isinasakatuparan ang dalawang aspektong ito, natupad mo na ang iyong responsabilidad. Kung hindi naman naisakatuparan ang mga ito, kahit pa palakihin mo ang iyong mga anak upang maging alagad ng sining o isang indibidwal na may talento, mananatiling hindi natutupad ang iyong responsabilidad. Kahit gaano pa magsikap ang mga magulang para sa kanilang mga anak, kahit mamuti pa ang kanilang buhok sa pag-aalala, mapagod pa sila nang husto hanggang sa magkasakit; kahit gaano pa kalaki ang halagang ibinabayad nila, gaano man nila ibinubuhos ang kanilang puso, o gaano man karaming pera ang inilalabas nila, wala ni isa sa mga ito ang maituturing na pagsasakatuparan ng kanilang mga responsabilidad. Kaya, ano ang ibig sabihin kapag sinabi Ko na dapat tuparin ng mga magulang ang kanilang mga responsabilidad sa kanilang mga batang anak? Ano ang dalawang pangunahing aspekto? Sino ang nakakaalala sa mga ito? (Noong huli, nagbahagi ang Diyos tungkol sa dalawang responsabilidad. Ang isa ay ang pangangalaga sa pisikal na kalusugan ng bata, at ang isa pa ay ang paggabay, pagtuturo, at pagtulong sa kanilang mental na kalusugan.) Napakasimple lang nito. Sa totoong buhay, madali lang alagaan ang pisikal na kalusugan ng isang bata; huwag mo lang siyang hayaang magkaroon ng maraming bukol o pasa o na kumain ng mga maling pagkain, huwag kang gumawa ng anumang bagay na makakasama sa kanyang paglaki, at sa abot ng makakaya ng mga magulang, tiyakin mong mayroon siyang sapat na pagkain, na kumakain siya nang maayos at nakabubuti sa kalusugan, na siya ay nakapagpapahinga nang sapat, nananatiling malaya sa sakit o paminsan-minsan lang nagkakasakit, at naipagagamot sa oras kapag siya ay may sakit. Maaabot ba ng karamihan sa mga magulang ang mga pamantayang ito? (Oo.) Ito ay isang bagay na kayang maisakatuparan ng mga tao; madali lang ang mga gampaning ibinibigay ng Diyos sa mga tao. Dahil kaya ring tugunan ng mga hayop ang mga pamantayang ito, kung hindi ito magawang tugunan ng mga tao, hindi ba’t mas masahol pa sila kaysa sa mga hayop? (Oo, mas masahol pa sila.) Kung maging ang mga hayop ay kayang isakatuparan ang mga bagay na ito, ngunit hindi ito kaya ng mga tao, tunay silang kahabag-habag. Ito ang responsabilidad ng mga magulang sa pisikal na kalusugan ng kanilang mga anak. Tungkol naman sa kalusugang pangkaisipan ng kanilang mga anak, isa rin itong responsabilidad na dapat tuparin ng mga magulang habang nagpapalaki sila ng mga batang anak. Sa sandaling malusog na ang katawan ng kanilang mga anak, dapat ding itaguyod ng mga magulang ang kalusugang pangkaisipan at ang mga iniisip ng mga ito, tiyakin na pinag-iisipan ng kanilang mga anak ang mga problema sa mga paraan at direksiyon na positibo, aktibo, at optimistiko, upang maging mas maganda ang kanilang buhay at hindi sila maging radikal, madaling mabaluktot, o mapanlaban. Ano pa? Dapat nilang magawang lumaki na normal, malusog, at masaya. Halimbawa, kapag nagsisimula nang maintindihan ng mga anak ang sinasabi ng kanilang mga magulang at kaya na nilang makipag-usap nang simple at normal sa kanilang mga magulang, at kapag nagsisimula na silang magkainteres sa mga bagay-bagay, maaaring magsalaysay sa kanila ang kanilang mga magulang ng mga kuwento sa Bibliya o magbahagi ng mga simpleng kwento tungkol sa pag-asal upang gabayan sila. Sa ganitong paraan, mauunawaan ng mga anak kung ano ang ibig sabihin ng pag-asal, at kung ano ang dapat gawin para maging isang mabuting anak at mabuting tao. Isa itong uri ng pagpatnubay sa kaisipan ng mga anak. Hindi sila dapat sabihan lamang ng kanilang mga magulang na kailangan nilang kumita ng maraming pera paglaki nila o na maging opisyal sila na may mataas na ranggo, na magkakaloob sa kanila ng walang katapusang kayamanan at maglalayo sa kanila sa paghihirap o sa paggawa ng mahirap na trabahong pisikal, at na magbibigay sa kanila ng kapangyarihan at katanyagan na utus-utusan ang iba. Hindi dapat ikintal ng mga magulang ang mga ganitong negatibong bagay sa kanilang mga anak, kundi dapat silang magbahagi ng mga positibong bagay sa mga ito. O dapat silang magkuwento sa kanilang mga anak ng mga kuwentong angkop sa edad at naglalaman ng positibong mensaheng kapupulutan ng aral. Halimbawa, ang pagtuturo sa mga anak na huwag magsinungaling at huwag maging isang batang nagsisinungaling, ang ipaunawa sa mga ito na dapat harapin ng isang tao ang mga kahihinatnan ng pagsisinungaling, ang ipaliwanag ang sarili nilang saloobin tungkol sa pagsisinungaling, at ang bigyang-diin na ang mga batang nagsisinungaling ay masasamang bata, at na ayaw ng mga tao ang mga ganitong bata. Kahit papaano man lang, dapat ipaalam ng mga magulang sa kanilang mga anak na dapat maging matapat ang mga ito. Dagdag pa rito, dapat ding pigilan ng mga magulang na magkaroon ang kanilang mga anak ng mga labis-labis o radikal na ideya. Paano ito mapipigilan? Kailangang turuan ng mga magulang ang kanilang mga anak na maging mapagparaya sa iba, na magpakita ng pasensiya at kapatawaran, na hindi maging sutil o makasarili kapag nangyayari ang mga bagay-bagay, at na matutong maging mabait at maayos makisalamuha sa iba; kung makakatagpo ang mga anak ng masasamang tao na magtatangkang pinsalain sila, dapat matuto silang umiwas sa halip na harapin ang sitwasyon sa pamamagitan ng komprontasyon at karahasan. Dapat iwasan ng mga magulang ang pagtatanim o pagkintal ng mararahas na kaisipan sa isipan ng kanilang mga batang anak. Dapat nilang gawing malinaw na ang karahasan ay hindi isang bagay na ikinalulugod ng mga magulang, at na ang mga anak na may tendensiyang gumawa ng karahasan ay hindi mabubuting anak. Kung ang mga tao ay may tendensiyang maging marahas, maaaring kalaunan ay makagawa sila ng krimen at maharap sa pagkontrol ng lipunan at pagpaparusa ayon sa batas. Ang mga taong may tendensiyang maging marahas ay hindi mabubuting tao, hindi mataas ang tingin sa kanila. Sa isa pang aspekto, dapat turuan ng mga magulang ang kanilang mga anak na maging mga taong makakaasa sa kanilang sarili. Hindi dapat umasa ang mga anak na basta na lang silang aabutan ng pagkain at damit; dapat nilang matutunan na sila mismo ang gumawa ng mga bagay-bagay tuwing kaya nila o alam nila kung paano gawin ang mga iyon, na makaiiwas sa palagiang mentalidad ng katamaran. Sa iba’t ibang paraan, dapat gabayan ng mga magulang ang kanilang mga anak na maunawaan ang mga positibo at wastong bagay na ito. Siyempre, kapag nakikita nilang nangyayari o lumilitaw ang mga negatibong bagay, dapat lamang ipaalam ng mga magulang sa kanilang mga anak na ang ganoong pag-uugali ay hindi mabuti, na hindi ganoon ang ginagawa ng mabubuting anak, na sila mismo ay hindi gusto ang ganoong pag-uugali, at na ang mga batang gumagawa niyon ay maaaring maharap sa pagpaparusa ng batas, mga multa, at paghihiganti ng ibang tao sa hinaharap. Sa madaling salita, dapat iparating ng mga magulang sa kanilang mga anak ang mga pinakasimple at pinakapangunahing prinsipyo ng pag-asal at pagkilos. Kahit papaano man lang, habang wala pa sa hustong gulang ang mga anak, dapat silang matutong magsagawa ng pagkilatis, matukoy ang kaibahan ng mabuti at masama, malaman kung anong mga kilos ang tumutukoy sa isang mabuting tao kumpara sa isang masamang tao, kung anong mga bagay ang nagpapakita ng asal ng isang mabuting tao, at aling mga kilos ang itinuturing na masama at nagpapakita ng asal ng isang masamang tao. Ito ang mga pinakapangunahing bagay na dapat ituro sa kanila. Dagdag pa rito, dapat maunawaan ng mga bata na kinamumuhian ng iba ang ilang pag-uugali, gaya ng pagnanakaw o pagkuha sa mga gamit ng iba nang walang permiso, paggamit sa mga pagmamay-ari ng iba nang walang pahintulot, pagpapakalat ng tsismis, at paghahasik ng hidwaan sa pagitan ng mga tao. Ang mga ito at ang mga pagkilos na natutulad dito ay lahat palatandaan ng asal ng isang masamang tao, ang mga ito ay mga negatibong bagay, at hindi kalugod-lugod para sa Diyos. Habang medyo lumalaki ang mga anak, dapat silang turuan na huwag maging sutil sa anumang ginagawa nila, huwag mawalan agad ng interes, o maging padalos-dalos o pabigla-bigla. Dapat nilang isaalang-alang ang mga kahihinatnan ng anumang kilos na maaari nilang gawin, at kung alam nila na magiging hindi kanais-nais o mapaminsala ang mga kahihinatnang iyon, dapat silang magpigil at huwag hayaang maghari sa isipan nila ang mga pakinabang at hangarin. Dapat ding turuan ng mga magulang ang kanilang mga anak tungkol sa mga tipikal na salita at kilos ng masasamang tao, na magbibigay sa mga anak ng simpleng pagkaunawa sa masasamang tao at sa mga pamantayang gagamitin sa pagsuri sa mga ito. Dapat matutunan ng mga bata na huwag agad magtiwala sa mga estranghero o sa mga pangako ng mga ito, at huwag tumanggap ng mga bagay mula sa mga estranghero nang walang pag-iingat. Ang lahat ng ito ay dapat ituro sa mga bata, dahil ang mundo at ang lipunan ay masama at puno ng mga patibong. Hindi dapat basta-bastang magtiwala ang mga bata sa kung sino-sino lang; dapat silang turuang kumilatis ng masasamang tao at mga taong malulupit, na maging maingat at lumayo sa masasamang tao, upang maiwasang madawit o malinlang sila ng mga ito. Tungkol naman sa mga pundamental na aral na ito, dapat gabayan at patnubayan ng mga magulang ang kanilang mga anak nang may positibong perspektiba sa panahon ng kanilang paglaki. Sa isang aspekto, dapat magsikap ang mga magulang na tiyaking lumalaki nang malusog at malakas ang kanilang mga anak habang pinalalaki nila ang mga ito, at sa isa pang aspekto, dapat nilang itaguyod ang malusog na paglago ng isipan ng kanilang mga anak. Ano nga ba ang mga palatandaan ng isang malusog na pag-iisip? Ang mga ito ay kapag ang isang tao ay may tamang perspektiba sa buhay at kayang tumahak sa tamang landas. Kahit pa hindi siya nananampalataya sa Diyos, iniiwasan pa rin niya ang pagsunod sa masasamang kalakaran sa panahon ng kanyang paglaki. Kung ang mga magulang ay may napapansing anumang paglihis sa kanilang mga anak, dapat nilang suriin agad ang pag-uugali ng mga ito at ituwid iyon, at patnubayan nang tama ang kanilang mga anak. Halimbawa, kung nalantad ang kanilang mga anak sa ilang bagay na bahagi ng masasamang kalakaran o ilang maling argumento o kaisipan at pananaw noong bata pa sila, sa mga pagkakataon kung saan wala silang pagkilatis, baka sundan o tularan nila ang mga ito. Dapat mapansin ng mga magulang ang mga isyung ito nang maaga at magbigay ng agarang pagtutuwid at wastong patnubay. Ito rin ay kanilang responsabilidad. Sa madaling salita, ang layon ay ang siguraduhing magkaroon ang mga anak ng pundamental, positibo, at tamang direksiyon sa pag-unlad ng kanilang pag-iisip, pag-asal, pagtrato sa iba, at pag-unawa sa iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay, upang umunlad sila sa isang nakabubuting direksiyon sa halip na sa isang direksiyon na buktot. Halimbawa, madalas sabihin ng mga hindi mananampalataya, “Ang buhay at kamatayan ay pauna nang itinakda; ang kayamanan at karangalan ay pinagpapasyahan ng Langit.” Ang dami ng pagdurusa at kasiyahan na dapat maranasan ng isang tao sa buhay niya ay pauna nang itinakda ng Diyos at hindi mababago ng mga tao. Sa isang aspekto, dapat ipaalam ng mga magulang ang mga obhetibong katunayang ito sa kanilang mga anak, at sa isa pang aspekto, dapat nilang turuan ang kanilang mga anak na ang buhay ay hindi lamang tungkol sa mga pisikal na pangangailangan, at lalong hindi lamang ito tungkol sa kasiyahan. Mayroong mas mahahalagang bagay na dapat gawin ang mga tao sa buhay na ito kaysa sa kumain, uminom, at maghanap ng mapag-aaliwan; dapat silang manampalataya sa Diyos, maghangad sa katotohanan, at maghangad ng kaligtasan mula sa Diyos. Kung ang mga tao ay namumuhay lamang para sa kasiyahan, para kumain, uminom, at maghanap ng mapag-aaliwan ng laman, para silang mga zombie, at walang anumang halaga ang buhay nila. Hindi sila nagdudulot ng anumang positibo o makabuluhang halaga, at hindi sila karapat-dapat mabuhay o ni maging tao. Kahit pa hindi nananampalataya sa Diyos ang isang anak, kahit papaano man lang ay gabayan mo siyang maging isang mabuting tao at isang taong tumutupad sa kanyang naaangkop na tungkulin. Siyempre, kung siya ay hinirang ng Diyos at handang makilahok sa buhay-iglesia at gawin ang kanyang sariling tungkulin habang lumalaki siya, mas mainam iyon. Kung ganito ang kanilang mga anak, lalong dapat gampanan ng mga magulang ang mga responsabilidad nila sa kanilang mga menor de edad na anak nang batay sa mga prinsipyong ipinapaalala ng Diyos sa mga tao. Kung hindi mo alam kung sila ba ay mananampalataya sa Diyos o hihirangin ng Diyos, kahit papaano man lang ay dapat mong tuparin ang iyong mga responsabilidad sa iyong mga anak sa panahon ng kanilang paglaki. Kahit pa hindi mo alam o hindi mo maunawaan ang mga bagay na ito, dapat mo pa ring gampanan ang mga responsabilidad na ito. Sa abot ng iyong makakaya, dapat mong isakatuparan ang mga obligasyon at responsabilidad na dapat mong gampanan, ibahagi sa iyong mga anak ang mga positibong ideya at bagay na iyo nang nalalaman. Kahit papaano man lang, tiyakin mong sumusunod sa isang nakabubuting direksiyon ang kanilang espirituwal na paglago, at na malinis at malusog ang kanilang isipan. Huwag mo silang pag-aralin ng lahat ng uri ng kasanayan at kaalaman mula sa murang edad sa ilalim ng iyong mga ekspektasyon, paglilinang, o pang-aapi. Ang mas malubha pa, may mga magulang na sumasama sa kanilang mga anak kapag sumasali ang mga ito sa iba’t ibang pagtatanghal ng talento, at sa mga kompetisyon sa akademya o sa atletika, sumusunod sila sa iba’t ibang kalakarang panlipunan at pumupunta sa mga kaganapan tulad ng mga press hearing, pagpirma ng mga kilalang tao, at mga study session, at dumadalo sila sa anumang kompetisyon at talumpati ng pagtanggap sa mga seremonya ng parangal, atbp. Bilang mga magulang, kahit papaano man lang ay hindi nila dapat hayaan ang kanilang mga anak na sundan ang kanilang mga yapak sa pamamagitan ng paggawa ng mga bagay na ito nang sila mismo. Kung dadalhin ng mga magulang ang kanilang mga anak sa mga gayong aktibidad, sa isang aspekto, malinaw na hindi nila natupad ang kanilang mga responsabilidad bilang magulang. Sa isa pang aspekto, hayagan nilang inaakay ang kanilang mga anak patungo sa isang landas na walang balikan, hinahadlangan ang konstruktibong pag-unlad ng pag-iisip ng mga ito. Saan dinala ng mga magulang na ito ang kanilang mga anak? Dinala nila ang mga ito sa masasamang kalakaran. Isa itong bagay na hindi dapat gawin ng mga magulang. Higit pa rito, tungkol naman sa mga landas na tatahakin ng kanilang mga anak sa hinaharap at sa mga magiging propesyon ng mga ito, hindi dapat ikintal ng mga magulang ang mga bagay na tulad ng, “Tingnan mo si ganito at ganyan, isa siyang piyanista na nagsimulang tumugtog ng piano noong apat o limang taong gulang pa siya. Hindi siya nagpakasaya sa paglalaro, walang siyang mga kaibigan o laruan, at nagsanay siya ng piano araw-araw. Sinamahan siya ng kanyang mga magulang sa pag-aaral niyang tumugtog ng piano, kumonsulta sila sa iba’t ibang guro, at isinali nila siya sa mga patimpalak ng pagtugtog ng piano. Tingnan mo kung gaano na siya kasikat ngayon, nakakakain siya nang mabuti, maayos ang kanyang pananamit, malakas ang kanyang dating, at iginagalang siya kahit saan siya magpunta.” Ito ba ang uri ng edukasyon na nagsusulong ng malusog na pag-unlad ng isip ng isang bata? (Hindi.) Anong uri ito ng edukasyon, kung gayon? Ito ang edukasyon ng isang diyablo. Nakapipinsala ang ganitong uri ng edukasyon sa kahit anong murang isipan. Hinihikayat siya nito na maghangad ng kasikatan, na magnasa ng iba’t ibang awra, parangal, posisyon, at kasiyahan. Dahil sa edukasyong ito, nananabik at naghahangad siya ng mga bagay na ito mula pa sa murang edad, itinutulak siya nito na mabalisa, mangamba nang matindi, at mag-alala, at inuudyukan pa nga siya nitong magbayad ng lahat ng klase ng halaga para lang makuha ito, gumigising siya nang maaga at nagtatrabaho hanggang gabi para aralin ang kanyang takdang-aralin at mag-aral ng iba’t ibang kasanayan, at nasasayang niya ang kanyang kabataan, ipinagpapalit niya ang mahahalagang taong iyon para sa mga bagay na ito. Tungkol naman sa mga isinusulong ng masasamang kalakaran, ang mga menor de edad na bata ay walang kakayahang lumaban o kumilatis dito. Kaya naman, bilang mga tagapag-alaga ng kanilang mga menor de edad na anak, dapat gampanan ng mga magulang ang responsabilidad na ito sa pamamagitan ng pagtulong sa kanilang mga anak na kilatisin at labanan ang iba’t ibang pananaw na nagmumula sa masasamang kalakaran ng mundo at lahat ng negatibong bagay. Dapat silang magbigay ng positibong gabay at edukasyon. Siyempre, may kanya-kanyang mga adhikain ang bawat isa, at may ilang bata na, kahit pa hadlangan ng kanilang mga magulang ang mga gayong paghahangad, ay maaaring nasain pa rin ang mga iyon. Hayaan silang hilingin kung ano ang gusto nila; dapat tuparin ng mga magulang ang kanilang mga responsabilidad. Bilang magulang, mayroon kang obligasyon at responsabilidad na patnubayan ang mga kaisipan ng iyong mga anak at patnubayan sila sa isang positibo at nakabubuting direksiyon. Pagdating naman sa kung pipiliin ba nilang makinig sa iyo o gugustuhin ba nilang isagawa ang mga turo mo paglaki nila, sariling pasya na nila iyon, na hindi mo na mapanghihimasukan o makokontrol. Sa madaling salita, sa panahon ng paglaki ng kanilang mga anak, may responsabilidad at obligasyon ang mga magulang na ikintal sa isipan ng kanilang mga anak ang iba’t ibang malusog, wasto, at positibong kaisipan at pananaw, pati na rin ang mga layon sa buhay. Ito ang responsabilidad ng mga magulang.
Sinasabi ng ilang magulang na, “Ni hindi ko nga alam kung paano turuan ang mga anak ko. Magulo na ang isip ko simula pa noong bata ako, ginagawa ko lang ang anumang sabihin sa akin ng mga magulang ko, nang hindi tinutukoy ang tama sa mali. Kahit ngayon, hindi ko pa rin alam kung paano magturo sa mga anak.” Huwag kang mag-alala na hindi mo alam; hindi naman iyon laging masamang bagay. Ang mas masama ay kapag alam mo nga pero hindi mo naman ito isinasagawa, patuloy mo pa ring tinuturuan ang iyong mga anak para lang maging magaling sila, at sinasabi mong, “Wala na akong silbi ngayon, pero gusto kong mahigitan ako ng mga anak ko. Ang nakababatang henerasyon ay nakikibahagi sa tagumpay ng kanilang nakatatanda, at dapat higitan nila ang mga ito. Kasalukuyan akong naglilingkod bilang pinuno ng seksyon; kaya, ang mga anak ko ay dapat maging mayor, gobernador, o makaabot pa nga sa mas mataas na antas sa gobyerno o hindi kaya ay maging pangulo.” Wala nang kailangan pang sabihin sa mga ganitong tao. Hindi tayo nakikipag-ugnayan sa mga taong tulad nito. Ang responsabilidad ng magulang na pinag-uusapan natin ay positibo, maagap, at may kaugnayan sa katotohanan. Para sa mga naghahangad sa katotohanan, kung nais mong tuparin ang iyong responsabilidad sa iyong mga anak, ngunit hindi ka nakakasiguro kung paano tuparin ang responsabilidad na iyon, simulan mong mag-aral mula sa simula—madali lang iyon. Ang pagtuturo sa mga nasa hustong gulang ay hindi madali, pero ang pagtuturo sa mga bata ay madali lang, hindi ba? Matuto at magturo ka nang sabay, ituro mo ang bago mong natutunan. Hindi ba’t madali lang iyon? Madaling magturo sa iyong mga anak. Mas mainam pang tuparin mo ang iyong responsabilidad pagdating sa kalusugang pangkaisipan ng iyong mga anak. Kahit pa hindi mo ito magawa nang perpekto, mas mabuti pa rin ito kaysa sa hindi mo sila turuan man lang. Ang mga bata ay nasa murang edad pa at walang muwang; kung hinahayaan mo silang makakuha ng kanilang impormasyon mula sa telebisyon at iba’t ibang pinagmulan, maghangad ng anumang nais nila, at mag-isip at kumilos nang naaayon sa kanilang kagustuhan nang walang edukasyon o pangangasiwa, hindi mo natupad ang iyong responsabilidad bilang magulang. Nabigo ka sa iyong tungkulin, at hindi mo natapos ang iyong responsabilidad at obligasyon. Kung dapat gampanan ng mga magulang ang kanilang responsabilidad sa kanilang mga anak, hindi sila maaaring maging pasibo, bagkus ay dapat silang aktibong mag-aral ng ilang kaalaman at karunungan na makakatulong sa pag-aalaga sa kalusugang pangkaisipan ng kanilang mga anak, o mag-aral ng ilang batayang prinsipyo na may kaugnayan sa katotohanan, nang nagsisimula mula sa umpisa. Ang lahat ng ito ay mga bagay na dapat gawin ng mga magulang: Ito ay tinatawag na pagtupad sa responsabilidad ng isang tao. Siyempre, hindi magiging walang saysay ang pagkatuto mo. Sa proseso ng pagkatuto at pagtuturo sa iyong mga anak, mayroon ka ring makakamit. Dahil, habang tinuturuan mo ang iyong mga anak na paunlarin ang kanilang kalusugang pangkaisipan sa isang nakabubuting direksiyon, bilang isang taong nasa hustong gulang, hindi maiiwasang makakatagpo at matututo ka ng ilang positibong ideya. Kapag masinsinan at seryoso mong binibigyang-pansin ang mga positibong ideya o prinsipyo at mga pamantayang ito sa pag-asal at pagkilos, may makakamit ka nang hindi mo namamalayan—hindi ito magiging walang saysay. Ang pagtupad sa iyong responsabilidad sa sarili mong mga anak ay hindi isang bagay na ginagawa mo para sa iba; dapat mo itong gawin dahil sa ugnayan mo sa iyong mga anak, ugnayang kapwa emosyonal at sa dugo. Kahit pa kumilos o umasal ang iyong mga anak sa paraang hindi tumutugon sa iyong mga ekspektasyon pagkatapos mo itong gawin, kahit papaano, mayroon ka pa ring nakamit. Alam mo kung ano ang ibig sabihin ng turuan ang iyong mga anak at tuparin ang iyong responsabilidad sa kanila. Nagawa mo na ang iyong responsabilidad. Tungkol naman sa mga landas na tatahakin ng iyong mga anak sa hinaharap, kung paano nila pipiliing umasal, at ang tadhanang naghihintay sa kanila sa buhay, hindi mo na iyon dapat ipag-alala. Kapag nasa hustong gulang na sila, maaari ka na lamang umantabay at manood habang nangyayari ang kanilang buhay at tadhana. Wala ka nang obligasyon o responsabilidad na makisali. Kung hindi ka nagbigay ng napapanahong gabay, edukasyon, at mga limitasyon sa ilang usapin para sa kanila noong menor de edad pa sila, maaaring pagsisisihan mo ito kapag nasa hustong gulang na sila at nagsasabi o gumagawa sila ng mga bagay na hindi mo inaasahan o nagpapakita sila ng mga saloobin at pag-uugaling hindi mo inaakala. Halimbawa, noong bata pa sila, palagi mo silang tinuturuan, sinasabi mong, “Mag-aral ka nang mabuti, pumasok sa kolehiyo, magpatuloy sa postgraduate studies o kumuha ng Ph.D., maghanap ng magandang trabaho, maghanap ng isang mabuting mapapangasawa at bumuo ng pamilya, at pagkatapos ay magiging maganda ang buhay.” Sa pamamagitan ng iyong pagtuturo, panghihikayat, at iba’t ibang klase ng panggigipit, tinahak at sinunod nila ang landas na itinakda mo para sa kanila at nakamit nila ang iyong inaasahan, gaya mismo ng iyong ninanais, at ngayon ay hindi na sila makabalik. Kung, pagkatapos mong maunawaan ang ilang katotohanan at ang mga layunin ng Diyos dahil sa iyong pananalig, at pagkatapos mong magkamit ng mga tamang kaisipan at pananaw, ay sinusubukan mo na ngayong sabihan sila na huwag nang hangarin ang mga bagay na iyon, malamang na tututol sila, “Hindi ba’t ginagawa ko kung ano mismo ang gusto mo? Hindi ba’t itinuro mo sa akin ang mga bagay na ito noong bata pa ako? Hindi ba’t hiningi mo ito sa akin? Bakit mo ako pinipigilan ngayon? Mali ba ang ginagawa ko? Nakamit ko na ang mga bagay na ito at natatamasa ko na ang mga ito ngayon; dapat kang maging masaya, kontento, at ipagmalaki ako, hindi ba?” Ano ang mararamdaman mo kapag narinig mo ito? Dapat ka bang maging masaya o maiyak? Hindi ba’t magsisisi ka? (Oo.) Hindi mo na sila maibabalik ngayon. Kung hindi mo sila tinuruan nang ganito noong bata pa sila, kung binigyan mo sila ng masayang kabataan na walang anumang panggigipit, nang hindi sila tinuturuang maging mas magaling kaysa sa iba, na magkaroon ng mataas na posisyon o kumita ng maraming pera, o na maghangad ng kasikatan, pakinabang, at katayuan, kung hinayaan mo na lang silang maging mabuti at ordinaryong tao, nang hindi iginigiit sa kanila na kumita ng maraming pera, magsaya nang husto, o suklian ka nang labis, hinihiling lang na maging malusog at masaya sila, na maging isang simple at masayang tao sila, marahil ay mas naging bukas silang tumanggap sa ilang kaisipan at pananaw na pinanghahawakan mo pagkatapos mong sumampalataya sa Diyos. Kung nagkagayon, marahil ay masaya ang buhay nila ngayon, at mas kaunti ang tensyon nila mula sa buhay at lipunan. Bagamat hindi sila nagkamit ng kasikatan at pakinabang, kahit papaano ay masaya, tahimik, at payapa ang puso nila. Ngunit habang lumalaki sila, dahil sa iyong paulit-ulit na pagsulsol at pag-uudyok, dahil sa iyong panggigipit, walang humpay silang naghangad ng kaalaman, pera, kasikatan, at pakinabang. Sa huli, nakamit nila ang kasikatan, pakinabang, at katayuan, bumuti ang buhay nila, mas nasiyahan sila, at kumita sila ng mas maraming pera, ngunit ang buhay nila ay sobrang nakakapagod. Sa tuwing nakikita mo sila, bakas ang pagod sa mukha nila. Kapag umuuwi sila, bumabalik sa iyo, ay saka lang sila naglalakas-loob na tanggalin ang kanilang mga maskara at aminin na pagod na sila at nais nilang magpahinga. Ngunit sa sandaling lumabas sila, hindi na sila katulad ng dati—muli nilang isinusuot ang maskara. Tinitingnan mo ang kanilang pagod at kaawa-awang ekspresyon, at naaawa ka sa kanila, pero wala kang kapangyarihan na ibalik sila sa dati. Hindi na sila makakabalik. Paano ito nangyari? Hindi ba’t may kinalaman ito sa iyong pagpapalaki? (Oo.) Wala sa mga ito ang likas na nilang alam o hinangad mula sa murang edad; may tiyak itong kaugnayan sa iyong pagpapalaki. Kapag nakikita mo ang mukha nila, kapag nakikita mong nasa ganitong kalagayan ang kanilang buhay, hindi ba’t sumasama ang loob mo? (Oo.) Ngunit wala kang kapangyarihan; ang tanging natitira ay panghihinayang at lungkot. Maaaring nararamdaman mo na lubusan nang inagaw ni Satanas ang iyong anak, na hindi na siya makakabalik, at na wala kang kapangyarihan na iligtas siya. Ito ay dahil hindi mo tinupad ang iyong responsabilidad bilang magulang. Ikaw ang nagpahamak sa anak mo, ang nagligaw sa kanya gamit ang iyong maling ideolohikal na pagtuturo at gabay. Hindi na siya makakabalik kailanman, at sa huli, nagsisisi ka na lang. Nakatingin ka lang nang walang magawa habang nagdurusa ang iyong anak, ginagawang tiwali ng masamang lipunang ito, nabibigatan sa mga kagipitan ng buhay, at wala kang magawa para tulungan siya. Ang tanging masasabi mo ay, “Umuwi ka nang mas madalas, at ipagluluto kita ng masarap na pagkain.” Anong mga problema ang malulutas ng isang pagkain? Hindi nito malulutas ang anuman. Ang kanyang mga kaisipan ay lumago at nabuo na, at hindi siya handang bitiwan ang kasikatan at katayuang natamo niya. Maaari lamang siyang sumulong at hindi na kailanman bumalik. Ito ang nakapipinsalang resulta ng maling paggabay ng mga magulang at ng pagkintal nila ng mga maling ideya sa kanilang mga anak habang lumalaki ang mga ito. Kaya, sa panahong ito, dapat tuparin ng mga magulang ang kanilang responsabilidad, gabayan ang kalusugang pangkaisipan ng kanilang mga anak, at akayin ang mga kaisipan at kilos ng mga ito patungo sa isang nakabubuting direksiyon. Ito ay isang napakahalagang bagay. Maaaring sabihin mo na, “Wala akong gaanong alam sa pagtuturo sa mga bata,” pero hindi mo man lang ba kayang tuparin ang iyong responsabilidad? Kung tunay mong nauunawaan ang mundo at ang lipunang ito, kung tunay mong naaarok kung ano ang kasikatan at pakinabang, kung tunay na kaya mong talikuran ang makamundong kasikatan at pakinabang, dapat mong protektahan ang iyong mga anak at huwag silang hayaang agad-agad na tanggapin ang mga maling ideyang ito na mula sa lipunan habang sila ay lumalaki. Halimbawa, pagpasok ng ilang bata sa junior high school, nagsisimula silang makapansin ng mga bagay-bagay tulad ng kung ilang bilyong dolyar na mga pag-aari mayroon ang isang mayamang negosyante, kung anong uri ng mga mamahaling sasakyan ang pag-aari ng pinakamayamang tao sa bayan, kung anong posisyon ang hawak ng isa pang tao, kung magkano ang pera niya, kung ilang sasakyan ang nakaparada sa bahay niya, at kung anong mga bagay ang natatamasa niya. Napapaisip sila: “Nasa junior high school ako ngayon. Paano kung hindi ako makahanap ng magandang trabaho pagkatapos ng kolehiyo? Kung wala akong trabaho, ano ang gagawin ko kung hindi ko kayang bumili ng mansyon at mga mamahaling sasakyan? Paano ako magiging espesyal kung wala akong pera?” Nagsisimula silang mag-alala at mainggit sa mga tao sa lipunan na may katanyagan at may maluluho at mararangyang pamumuhay. Kapag namumulat na ang mga bata sa mga bagay na ito, nagsisimula silang tumanggap ng iba’t ibang impormasyon, pangyayari, at sitwasyon mula sa lipunan, at sa kanilang murang isipan, nagsisimula silang makaramdam ng tensyon at pagkabalisa, at nag-aalala at nagpaplano sila para sa kanilang kinabukasan. Sa gayong sitwasyon, hindi ba’t dapat gampanan ng mga magulang ang kanilang responsabilidad at magbigay sila ng kaginhawahan at gabay, na tutulong sa mga anak nila na maunawaan kung paano tingnan at pangasiwaan nang tama ang mga usaping ito? Dapat siguraduhin ng mga magulang na hindi mahumaling ang kanilang mga anak sa mga bagay na ito mula sa murang edad, upang magkaroon ng tamang pananaw tungkol dito ang kanilang mga anak. Sabihin mo sa Akin, paano dapat tugunan ng mga magulang ang mga usaping ito sa kanilang mga anak? Sa panahon ngayon, hindi ba’t nalalantad ang mga bata sa iba’t ibang aspekto ng lipunan sa napakamurang edad? (Oo.) Hindi ba’t maraming alam ang mga bata ngayon tungkol sa mga mang-aawit, artista sa pelikula, sikat na atleta, pati na rin sa mga kilalang tao sa internet, mayayamang negosyante, mayayamang tao, at mga multimilyonaryo—kung magkano ang kanilang kinikita, kung ano ang kanilang isinusuot, kung ano ang kanilang pinagkakasiyahan, kung ilang mamahaling sasakyan ang mayroon sila, at iba pa? (Oo.) Samakatuwid, dapat tuparin ng mga magulang ang kanilang responsabilidad bilang magulang sa masalimuot na lipunang ito, dapat nilang protektahan ang kanilang mga anak, at bigyan ang mga ito ng malusog na pag-iisip. Kapag namulat na ang mga bata sa mga usaping ito o nakarinig at nakatanggap sila ng anumang di-nakabubuting impormasyon, dapat silang turuan ng kanilang mga magulang na magkaroon ng mga tamang kaisipan at pananaw upang makaiwas sila sa mga bagay na ito sa tamang oras. Kahit papaano man lang, dapat ibahagi sa kanila ng kanilang mga magulang ang isang simpleng doktrina: “Bata ka pa, at sa edad mong iyan, ang iyong responsabilidad ay ang mag-aral nang mabuti at matuto ng mga bagay na kailangan mong matutunan. Hindi mo na kailangang mag-isip pa ng ibang bagay; tungkol naman sa kung magkano ang iyong kikitain o ano ang iyong bibilhin, hindi mo kailangang asikasuhin ang mga bagay na ito—ito ay mga usapin kapag malaki ka na. Sa ngayon, tutukan mo ang iyong gawain sa eskuwela, tapusin mo ang mga gawaing itinatalaga ng iyong mga guro, at pamahalaan mo ang mga bagay-bagay sa sarili mong buhay. Hindi mo kailangang pag-isipan nang husto ang iba pang bagay. Hindi pa magiging masyadong huli ang lahat para isaalang-alang ang mga bagay na ito pagkatapos mong makapasok sa lipunan at maharap sa mga ito. Ang mga nangyayari ngayon sa lipunan ay alalahanin ng mga nasa hustong gulang. Wala ka pa sa hustong gulang, kaya hindi ito mga bagay na dapat mong pag-isipan o lahukan. Sa ngayon, ang tutukan mo ay ang magawa mo nang maayos ang iyong gawain sa eskuwela, at makinig ka sa sinasabi namin sa iyo. Nasa hustong gulang na kami at mas marami kaming alam kaysa sa iyo, kaya dapat kang makinig sa amin, sa anumang sasabihin namin. Kung matututunan mo ang mga bagay na iyon sa lipunan, at susundin at gagayahin mo ang mga iyon, hindi iyon magiging kapaki-pakinabang sa iyong pag-aaral at gawain sa eskuwela—maaaring makaapekto ito sa pag-aaral mo. Kung magiging anong uri ka ng tao sa hinaharap o kung anong uri ng propesyon ang magkakaroon ka: Ito ay mga bagay na dapat isaalang-alang sa hinaharap. Sa ngayon, ang tungkulin mo ay ang asikasuhin ang iyong pag-aaral. Kung hindi ka magiging mahusay sa iyong pag-aaral, hindi ka magtatagumpay sa iyong edukasyon, at hindi ka magiging isang mabuting anak. Huwag mo nang isipin ang iba pang bagay; walang kinalaman ang mga iyon sa iyo. Kapag mas matanda ka na, saka mo mauunawaan ang mga bagay na iyon.” Hindi ba’t ito ang pinakapundamental na doktrinang dapat maunawaan ng mga tao? (Oo.) Ipaalam ito sa mga bata: “Ang tungkulin mo ngayon ay ang mag-aral, hindi ang kumain, uminom, at magsaya. Kung hindi ka mag-aaral, masasayang mo ang iyong oras at mapapabayaan mo ang iyong pag-aaral. Ang mga bagay sa lipunan na may kinalaman sa pagkain, pag-inom, paghahanap ng mapag-aaliwan, at iba pang mga bagay ay pawang para sa mga nasa hustong gulang na. Ang mga wala pa sa hustong gulang ay hindi dapat makisali sa mga ganoong aktibidad.” Madali ba para sa mga bata na tanggapin ang mga salitang ito? (Oo.) Hindi mo ipinagkakait sa kanila ang karapatang malaman ang tungkol sa mga usaping ito o mainggit dito. Kasabay nito, itinuturo mo kung ano ang dapat nilang gawin. Magandang paraan ba ito ng pagtuturo sa mga anak? (Oo.) Simpleng hakbang ba ito? (Oo.) Dapat matuto ang mga magulang na gawin ito at, sa abot ng kanilang makakaya, dapat nilang pag-aralan kung paano turuan at alagaan ang kanilang mga menor de edad na anak batay sa sariling abilidad, mga kondisyon, at kakayahan ng mga ito; dapat nilang gampanan ang kanilang responsabilidad sa kanilang mga anak, at gawin ang lahat ng ito sa abot ng kanilang makakaya. Walang mga istrikto o mahigpit na pamantayan para dito; nakadepende ito sa bawat tao. Magkakaiba ang mga sitwasyon ng pamilya ng bawat isa, at iba-iba rin ang kakayahan ng bawat tao. Kaya, pagdating sa pagtupad ng responsabilidad ng pagtuturo sa mga anak, ang bawat tao ay may sarili niyang mga pamamaraan. Dapat mong gawin ang anumang epektibong paraan na nagbibigay ng mga ninanais na resulta. Dapat kang umakma sa personalidad, edad, at kasarian ng iyong mga anak: May ilan na maaaring kinakailangang mas higpitan, samantalang ang iba ay maaaring nangangailangan ng mas malumanay na pamamaraan. Maaaring nakabubuti sa ilan ang mas mahigpit na estilo, habang ang iba ay maaaring lumago sa isang mas maluwag na kapaligiran. Dapat iakma ng mga magulang ang kanilang mga pamamaraan batay sa indibidwal na sitwasyon ng kanilang mga anak. Ano’t anuman, ang pinakalayon ay ang mapangalagaan ang kalusugang pangkaisipan ng mga anak, at ang magabayan sila patungo sa isang nakabubuting direksiyon kapwa sa kanilang mga kaisipan at sa mga pamantayan ng kanilang mga kilos. Huwag mong igiit ang anumang bagay na maaaring sumasalungat sa pagkatao, ang anumang bagay na lumalabag sa mga batas ng likas na pag-unlad o lumalampas sa kung ano ang kaya nilang makamit sa kasalukuyan nilang edad o sa saklaw ng kanilang kakayahan. Kapag nagagawa ng mga magulang ang lahat ng ito, natupad na nila ang kanilang responsabilidad. Mahirap bang makamit ito? Hindi ito isang komplikadong bagay.
Ang mga ekspektasyon ng mga magulang sa kanilang mga anak ay may dalawang aspekto: Ang isang aspekto ay may kinalaman sa mga ekspektasyon sa panahon ng paglaki ng kanilang mga anak, at ang isa pa ay may kinalaman sa mga ekspektasyon kapag umabot na sa hustong gulang ang kanilang mga anak. Noong huli, saglit na napag-usapan sa ating pagbabahaginan ang tungkol sa mga ekspektasyon kapag ang mga anak ay nasa hustong gulang na. Ano ang pinagbahaginan natin? (Diyos ko, noong huli, nagbahaginan tayo tungkol sa pag-aasam ng mga magulang na magkaroon ang kanilang mga anak na nasa hustong gulang na ng maayos na kapaligiran sa trabaho, masaya at mapayapang buhay may asawa, at matagumpay na propesyon.) Iyon ang humigit-kumulang na pinagbahaginan natin. Pagkatapos palakihin ng mga magulang ang kanilang mga anak, umabot na ang mga ito sa hustong gulang, at nahaharap ang mga ito sa mga sitwasyong may kinalaman sa trabaho, propesyon, buhay may asawa, pamilya, at pamumuhay nang mag-isa at nakapagsasarili, pati na sa pagpapalaki ng sarili nilang mga anak. Iiwan ng mga anak ang kanilang ama at ina at mamumuhay sila nang nagsasarili, haharapin nang mag-isa ang bawat problemang maaari nilang makatagpo sa buhay. Dahil malaki na ngayon ang kanilang mga anak, wala nang responsabilidad ang mga magulang na alagaan ang pisikal na kalusugan ng kanilang mga anak o na direktang makialam sa buhay, trabaho, buhay may asawa, at pamilya ng mga ito, at iba pa. Siyempre, dahil sa emosyonal at pampamilyang ugnayan, maaaring mag-alok ang mga magulang ng mababaw na pag-aalaga, magbigay ng payo paminsan-minsan at magbigay din ng ilang mungkahi o tulong mula sa posisyon ng isang taong may karanasan, o pansamantalang magbigay ng kinakailangang pag-aalaga. Sa madaling salita, sa sandaling umabot na sa hustong gulang ang mga anak, natupad na ng mga magulang ang karamihan sa kanilang mga responsabilidad sa kanilang mga anak. Samakatuwid, ang ilang ekspektasyon ng mga magulang sa kanilang mga anak, sa Aking perspektiba man lang, ay hindi kinakailangan. Bakit hindi kinakailangan ang mga ito? Dahil, anuman ang inaasahan ng mga magulang na mangyari sa kanilang mga anak, kung anong uri man ng buhay may asawa, pamilya, trabaho, o propesyon ang inaasahan nilang magkakaroon ang mga ito, kung ang mga ito ba ay magiging mayaman o mahirap, o anuman ang ekspektasyon ng mga magulang, ang mga ito ay walang iba kundi mga ekspektasyon lamang, at bilang mga nasa hustong gulang na, sa huli, ang buhay ng kanilang mga anak ay nasa sarili nang mga kamay ng mga ito. Siyempre, sa simpleng pananalita, ang tadhana ng buong buhay ng kanilang mga anak, at kung mayaman ba o mahirap ang mga ito, ang lahat ng ito ay inorden ng Diyos. Walang responsabilidad o obligasyon ang mga magulang na pangasiwaan ang mga bagay na ito, at wala rin silang karapatan na makialam. Kaya, ang mga ekspektasyon ng magulang ay isang simpleng uri lang ng mabuting hangarin na nagmumula sa kanilang pagmamahal. Walang magulang ang nagnanais na ang kanilang anak ay maging dukha, walang asawa, hiwalay sa asawa, magkaroon ng magulong pamilya, o dumanas ng hirap sa trabaho. Wala ni isa sa kanila ang nag-aasam ng mga ganitong bagay para sa kanilang anak; walang dudang inaasam nila ang pinakamabuti para sa kanilang mga anak. Subalit, kung sumasalungat ang mga ekspektasyon ng mga magulang sa realidad ng buhay ng kanilang mga anak, o kung ang realidad na iyon ay hindi tugma sa kanilang mga ekspektasyon, paano nila dapat harapin ito? Ito ang dapat nating pagbahaginan. Bilang mga magulang, pagdating sa saloobin na dapat nilang itaguyod sa kanilang mga anak na nasa hustong gulang na, bukod sa pagpapala sa mga ito nang tahimik at pagkakaroon ng mabubuting ekspektasyon mula sa mga ito, anumang klase ng kabuhayan, uri ng tadhana o buhay mayroon ang mga ito, maaari lamang itong hayaan ng mga magulang na mangyari. Walang magulang ang makakapagbago ng alinman sa mga ito, at hindi rin nila ito makokontrol. Bagamat ikaw ang nagsilang at nagpalaki sa iyong mga anak, gaya ng napag-usapan natin noon, hindi ang mga magulang ang panginoon ng tadhana ng kanilang mga anak. Ipinagbubuntis ng mga magulang ang pisikal na katawan ng kanilang mga anak at sila ang nagpapalaki sa mga ito hanggang sa umabot na sa hustong gulang ang mga ito, ngunit pagdating sa kung ano ang magiging uri ng tadhana ng kanilang mga anak, hindi ito isang bagay na ibinibigay o pinipili ng mga magulang, at lalong hindi ang mga magulang ang nagpapasya tungkol dito. Ninanais mong maging maayos ang iyong mga anak, ngunit may garantiya ba na iyon ang mangyayari? Hindi mo ninanais na makatagpo sila ng kasawian, kamalasan, at lahat ng uri ng masasamang pangyayari, ngunit ibig bang sabihin niyon ay maiiwasan nila ang mga ito? Anuman ang kinakaharap ng iyong mga anak, walang alinman sa mga bagay na iyon ang nasasailalim sa kagustuhan ng tao, at wala rin sa mga iyon ang naitatakda ng iyong mga pangangailangan o ekspektasyon. Kaya, ano nga ba ang itinuturo nito sa iyo? Sapagkat nasa hustong gulang na ang mga anak, may kakayahan na silang alagaan ang kanilang sarili, na magkaroon ng sarili nilang mga kaisipan, pananaw sa mga bagay-bagay, prinsipyo ng pag-asal, at pananaw sa buhay, at hindi na sila naiimpluwensiyahan, nakokontrol, napipigilan, o napapamahalaan ng kanilang mga magulang, tunay na nga silang nasa hustong gulang. Ano ang ibig sabihin na sila ay nasa hustong gulang na? Nangangahulugan ito na ang kanilang mga magulang ay dapat nang bumitiw. Sa nasusulat na wika, ito ay tinatawag na “pagbitiw,” pagpapahintulot sa mga anak na tuklasin at tahakin ang sarili nilang landas sa buhay nang sila lang. Ano ang sinasabi natin sa sinasalitang wika? “Magbigay-daan ka.” Sa madaling salita, dapat itigil ng mga magulang ang pag-utos sa kanilang mga anak na nasa hustong gulang na, ang pagsasabi ng mga bagay tulad ng, “Dapat kang maghanap ng ganitong trabaho, dapat kang magtrabaho sa ganitong industriya. Huwag mong gawin iyon, masyadong delikado!” Angkop ba na utusan ng mga magulang ang kanilang mga anak na nasa hustong gulang na? (Hindi, hindi ito angkop.) Palagi nilang gustong kontrolin at makita ang buhay, trabaho, pag-aasawa, at pamilya ng kanilang mga nasa hustong gulang na anak. Nababalisa, nag-aalala, natatakot, at nababahala sila kapag hindi nila alam ang isang bagay o kapag hindi nila ito makontrol, sinasabing, “Paano kung hindi maging maingat ang anak ko sa pagsasaalang-alang sa bagay na iyon? Mapapahamak ba siya sa batas? Wala akong pera para sa isang demandahan! Kung sasampahan siya ng kaso at wala kaming pera, makukulong ba siya? Kapag nakulong siya, maaari kayang akusahan siya ng masasamang tao, at makulong nang walo o sampung taon? Iiwanan ba siya ng asawa niya? Sino ang mag-aalaga sa mga anak niya?” Habang mas iniisip nila ito, mas lalo silang nag-aalala. “Hindi maayos ang takbo ng trabaho ng anak kong babae: Palagi siyang minamaltrato ng mga tao, at hindi rin mabait sa kanya ang kanyang amo. Ano ang magagawa namin? Dapat ba namin siyang hanapan ng ibang trabaho? Dapat ba kaming gumamit ng aming mga koneksiyon, makipag-ugnayan sa mga tao, gumastos ng pera, at ikuha siya ng trabaho sa gobyerno kung saan maaari siyang magkaroon ng magaan na trabaho araw-araw bilang isang empleyado ng gobyerno? Bagamat hindi mataas ang sahod, hindi naman siya mamaltratuhin. Hindi nga namin siya magawang paluin noong bata pa siya, at pinalayaw namin siya na parang isang prinsesa; ngayon, inaapi siya ng ibang tao. Ano ang dapat naming gawin?” Nag-aalala sila hanggang sa puntong hindi na sila makakain o makatulog, at nagpapaltos na ang kanilang bibig dahil sa pagkabalisa. Sa tuwing nahaharap sa anumang bagay ang kanilang mga anak, nababalisa sila at isinasapuso nila ito. Gusto nilang makialam sa lahat ng bagay, makisawsaw sa bawat sitwasyon. Kapag nagkakasakit o nahaharap sa anumang problema ang kanilang mga anak, nahihirapan sila at nagiging miserable, sinasabing, “Gusto ko lang na maging maayos ka. Bakit hindi maayos ang lagay mo? Gusto kong maging maayos ang lahat para sa iyo, gusto kong mangyari ang lahat ayon sa kagustuhan mo, ayon sa plano mo. Gusto kong magtagumpay ka, hindi malasin, dayain, o idiin at magkaproblema sa batas!” May ilang anak na umuutang para makabili ng isang bahay, at maaaring tumagal nang tatlumpung taon o limampung taon pa nga ang utang nila. Nagsisimulang mag-alala ang kanilang mga magulang, “Kailan ba mababayaran ang lahat ng utang na ito? Hindi ba’t katulad lang ito ng pagkaalipin sa utang? Sa henerasyon namin, hindi namin kailangang umutang para bumili ng bahay. Nakatira kami sa mga apartment na ibinigay ng kompanya at nagbabayad lang kami ng kaunting pera para sa upa kada buwan. Napakagaan ng pamumuhay namin noon. Ngayon, napakahirap talaga para sa mga kabataan; hindi talaga madali para sa kanila. Kinakailangan nilang umutang, at kahit na mabuti ang kanilang pamumuhay, nagtatrabaho sila nang husto araw-araw—pagod na pagod sila! Madalas silang nagpupuyat sa overtime, hindi regular ang kanilang oras ng pagkain at pagtulog, at palagi silang kumakain ng mga pagkaing binili sa labas. Nagdurusa ang kanilang mga tiyan at gayundin ang kalusugan nila. Kailangan kong magluto para sa kanila at maglinis ng kanilang tirahan. Kailangang ako na ang mag-ayos para sa kanila dahil wala silang oras—magulo ang buhay nila. Matanda na ako ngayon at mahihina na ang mga buto ko, at hindi na ako gaanong makakagawa ng maraming bagay, kaya magiging kasambahay na lang nila ako. Kung kukuha sila ng totoong kasambahay, kakailanganin pa nilang gumastos, at baka hindi pa mapagkakatiwalaan ang mga iyon. Kaya, ako na lang ang magiging kasambahay nila, nang walang bayad.” Kaya nagiging katulong siya, naglilinis ng bahay ng kanyang mga anak araw-araw, nag-aayos, nagluluto kapag oras nang kumain, namimili ng mga gulay at bigas, at pumapasan ng mga walang katapusang responsabilidad. Mula sa pagiging isang magulang, ngayon ay isa na siyang matandang katulong, isang kasambahay. Kapag umuuwi sa bahay ang kanyang mga anak at hindi maganda ang lagay ng kalooban ng mga ito, kinakailangan niyang tingnan ang mga ekspresyon ng mga ito at mag-ingat sa pagsasalita hanggang sa maging masaya na ulit ang mga ito, at saka lang din siya magiging masaya. Masaya siya kapag masaya ang kanyang mga anak, at nag-aalala siya kapag nag-aalala ang kanyang mga anak. May halaga ba ang paraang ito ng pamumuhay? Wala itong ipinagkaiba sa pagkawala ng sariling pagkakakilanlan.
Posible bang ang mga magulang ang magbayad ng halaga para sa kapalaran ng kanilang mga anak? Upang mahangad ang kasikatan, pakinabang, at mga makamundong kasiyahan, handang tiisin ng mga anak ang anumang hirap na dumarating sa kanila. Bukod dito, bilang mga nasa hustong gulang na, ayos lang ba na harapin nila ang anumang paghihirap na kinakailangan para manatili silang buhay? Kung gaano sila nasisiyahan, dapat ganoon din sila kahandang magdusa—natural lang ito. Natupad na ng mga magulang nila ang kanilang mga responsabilidad, kaya anuman ang nais tamasain ng kanilang mga anak, hindi na sila ang dapat na magbayad. Gaano man kaganda ang buhay na nais ng mga magulang para sa kanilang mga anak, kung gusto ng mga anak na magtamasa ng magagandang bagay, ang mga anak mismo ang dapat pumasan sa lahat ng kagipitan at paghihirap, hindi ang mga magulang nila. Kaya naman, kung palaging gustong gawin ng mga magulang ang lahat para sa kanilang mga anak at pasanin ang pagbabayad para sa mga paghihirap ng mga ito, handang maging alipin ng mga ito, hindi ba’t labis-labis na ito? Hindi ito kinakailangan dahil lagpas na ito sa kung ano ang inaasahang dapat gawin ng mga magulang. Ang isa pang malaking dahilan ay, anuman o gaano man karami ang gawin mo para sa iyong mga anak, hindi mo mababago ang kanilang tadhana o mababawasan ang kanilang paghihirap. Ang bawat taong nagsisikap na makaraos sa lipunan, siya man ay naghahangad ng kasikatan at pakinabang o tumatahak sa tamang landas sa buhay, bilang isang taong nasa hustong gulang na, dapat niyang akuin ang responsabilidad para sa sarili niyang mga ninanais at mithiin, at dapat siya ang magbayad para sa sarili niya. Walang sinuman ang dapat umako ng anuman para sa kanya; kahit ang kanyang mga magulang, ang mga taong nagsilang at nagpalaki sa kanya, ang mga taong pinakamalapit sa kanya, ay hindi obligadong magbayad para sa kanya o makibahagi sa kanyang paghihirap. Ang mga magulang ay walang ipinagkakaiba sa aspektong ito dahil hindi nila mababago ang anuman. Kaya, ang anumang gawin mo para sa iyong mga anak ay walang saysay. Dahil wala itong saysay, dapat mo nang isuko ang paraang ito ng pagkilos. Bagamat maaaring matanda na ang mga magulang at natupad na nila ang kanilang mga responsabilidad at obligasyon sa kanilang mga anak, bagamat hindi mahalaga ang anumang ginagawa ng mga magulang sa paningin ng kanilang mga anak, dapat pa rin silang magkaroon ng sarili nilang dignidad, sarili nilang mga paghahangad, at sarili nilang misyon na tutuparin. Bilang isang taong sumasampalataya sa Diyos at naghahangad sa katotohanan at kaligtasan, ang natitirang enerhiya at oras sa buhay mo ay dapat igugol sa pagganap ng iyong tungkulin at sa anumang ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos; hindi ka dapat gumugol ng anumang oras sa iyong mga anak. Hindi pag-aari ng iyong mga anak ang buhay mo, at hindi ito dapat gamitin para sa kanilang buhay o pananatiling buhay, o para tugunan ang iyong mga ekspektasyon sa kanila. Sa halip, dapat itong ilaan sa tungkulin at sa ipinagkatiwalang gampanin ng Diyos sa iyo, pati na rin sa misyon na dapat mong tuparin bilang isang nilikha. Dito nakasalalay ang halaga at kabuluhan ng iyong buhay. Kung handa kang mawalan ng iyong sariling dignidad at maging alipin ng iyong mga anak, na mag-alala para sa kanila, at gawin ang lahat para sa kanila upang matugunan ang mga sarili mong mula ekspektasyon sa kanila, walang kabuluhan at walang halaga ang lahat ng ito, at hindi ito gugunitain. Kung magpapatuloy kang gawin ito at hindi mo bibitiwan ang mga ideya at kilos na ito, nangangahulugan lamang ito na hindi ka isang taong naghahangad sa katotohanan, na hindi ka isang kuwalipikadong nilikha, at na labis kang mapaghimagsik. Hindi mo iniingatan ang buhay o ang oras na ibinigay sa iyo ng Diyos. Kung ang buhay at oras mo ay iginugugol lamang para sa iyong laman at mga damdamin, at hindi para sa tungkuling ibinigay sa iyo ng Diyos, ang buhay mo ay walang kabuluhan at walang saysay. Hindi ka karapat-dapat mabuhay, hindi ka karapat-dapat magtamasa ng buhay na ibinigay sa iyo ng Diyos, at hindi ka karapat-dapat magtamasa ng lahat ng ibinigay sa iyo ng Diyos. Binigyan ka ng Diyos ng mga anak para lang matamasa mo ang proseso ng pagpapalaki sa kanila, para magkamit ka ng karanasan at kaalaman sa buhay mula rito bilang isang magulang, para iparanas sa iyo ang isang bagay na espesyal at pambihira sa buhay ng tao, at pagkatapos, para hayaan ang iyong mga anak na dumami…. Siyempre, ito rin ay upang tuparin ang responsabilidad ng isang nilikha bilang isang magulang. Ito ang responsabilidad na inorden ng Diyos na tuparin mo tungo sa susunod na henerasyon, pati na rin ang papel na ginagampanan mo bilang magulang para sa susunod na henerasyon. Sa isang aspekto, ito ay ang pagdaanan ang pambihirang prosesong ito ng pagpapalaki ng mga anak, at sa isa pang aspekto, ito ay ang pagganap ng papel sa pagpaparami ng susunod na henerasyon. Sa sandaling matupad na ang obligasyong ito, at nasa hustong gulang na ang iyong mga anak, kung sila ba ay magtatagumpay nang husto o mananatiling payak, ordinaryo, at simpleng indibidwal, wala itong kinalaman sa iyo, dahil hindi ikaw ang nagtatakda ng kanilang tadhana, at hindi mo rin ito sariling pasya, at lalong hindi ikaw ang nagbigay sa kanila ng kanilang tadhana—ito ay inorden ng Diyos. Dahil ito ay inorden ng Diyos, hindi ka dapat makialam o makisali sa kanilang buhay o pananatiling buhay. Ang kanilang mga gawi, pang-araw-araw na gawain, at saloobin sa buhay, anuman ang mga estratehiya nila para manatiling buhay, anuman ang pananaw nila sa buhay, anuman ang saloobin nila sa mundo—ang mga ito ay sarili nilang mga pagpapasya, at hindi mo na problema ang mga ito. Wala kang obligasyon na ituwid sila o pasanin ang anumang paghihirap alang-alang sa kanila para lang matiyak na masaya sila araw-araw. Ang lahat ng ito ay hindi kinakailangan. Ang tadhana ng bawat tao ay itinatakda ng Diyos; kaya, kung gaano karaming pagpapala o pagdurusa ang mararanasan nila sa buhay, kung anong klaseng pamilya, buhay may asawa, at mga anak ang magkakaroon sila, kung anong mga karanasan ang pagdaraanan nila sa lipunan, at kung anong mga pangyayari ang kanilang mararanasan sa buhay, hindi nila mahuhulaan o mababago ang mga gayong bagay, at mas lalo nang walang kakayahan ang mga magulang na baguhin ang mga iyon. Kaya, kung nakakatagpo ng anumang paghihirap ang mga anak, dapat positibo at maagap na tumulong ang mga magulang kung kaya nila. Kung hindi naman, pinakamainam para sa mga magulang na magpahinga at tingnan na lang ang mga bagay na ito mula sa perspektiba ng mga nilikha, tratuhin ang kanilang mga anak nang pantay bilang mga nilikha. Ang paghihirap na nararanasan mo, dapat din nilang maranasan; ang buhay na iyong isinasabuhay, dapat din nilang isabuhay; ang prosesong pinagdaanan mo sa pagpapalaki ng mga batang anak, pagdaraanan din nila; ang mga pagpapasikot-sikot, pandaraya at panlilinlang na nararanasan mo sa lipunan at sa mga tao, ang mga emosyonal na pagkakasangkot, at mga gusot sa pagitan ng mga tao, at ang bawat kaparehong bagay na naranasan mo, mararanasan din nila iyon. Katulad mo, silang lahat ay mga tiwaling tao, lahat tinangay ng agos ng kasamaan, ginawang tiwali ni Satanas; hindi mo ito matatakasan, at ganoon din sila. Kaya, ang naisin na tulungan silang iwasan ang lahat ng paghihirap at tamasahin ang lahat ng pagpapala sa mundo ay isang hangal na kahibangan at ideya. Gaano man kalawak ang mga pakpak ng isang agila, hindi nito kayang protektahan ang batang agila sa buong buhay nito. Kalaunan, darating ang batang agila sa punto na kailangan nitong lumaki at lumipad nang mag-isa. Kapag nagpasya nang lumipad nang mag-isa ang batang agila, walang nakakaalam kung saan naroroon ang kanyang bahagi ng kalangitan, o kung saan nito pipiliing lumipad. Kaya, ang pinakamakatwirang saloobin para sa mga magulang pagkatapos lumaki ang kanilang mga anak ay ang matutong bumitiw, ang hayaan ang mga ito na maranasan ang buhay nang mag-isa, ang hayaan ang mga ito na mamuhay nang nakapagsasarili, at na harapin, pangasiwaan, at lutasin ang iba’t ibang hamon sa buhay nang mag-isa. Kung hihingi sila ng tulong sa iyo at mayroon kang kakayahan at mga angkop na kalagayan para tulungan sila, siyempre, pwede mo silang tulungan at bigyan ng kinakailangang suporta. Gayunpaman, kinakailangan dito na anuman ang tulong na ibigay mo, ito man ay pinansiyal o sikolohikal, dapat ay pansamantalang tulong lamang ito, at hindi nito mababago ang anumang malalaking isyu. Kailangan nilang tahakin ang sarili nilang landas sa buhay, at wala kang obligasyon na pasanin ang anuman sa kanilang mga gawain o kahihinatnan. Ito dapat ang saloobin ng mga magulang pagdating sa kanilang mga anak na nasa hustong gulang na.
Matapos maunawaan ang saloobin na dapat taglayin ng mga magulang sa kanilang mga anak na nasa hustong gulang na, dapat din bang bitiwan ng mga magulang ang kanilang mga ekspektasyon sa mga anak nilang ito? May ilang mangmang na magulang na hindi nakakaunawa sa buhay o tadhana, hindi nila kinikilala ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at madalas silang gumagawa ng mga kamangmangan pagdating sa kanilang mga anak. Halimbawa, pagkatapos matutong magsarili ng kanilang mga anak, maaaring maharap ang mga ito sa ilang espesyal na sitwasyon, paghihirap, o seryosong insidente; ang ilan ay nagkakasakit, may ibang nasasangkot sa mga demanda, may nagdidiborsiyo, may nalilinlang at naii-scam, at may iba pa na nakikidnap, napapahamak, nabubugbog nang husto, o nahaharap sa kamatayan. May ilan pa nga na nalululong sa droga, at iba pa. Ano ang dapat gawin ng mga magulang sa mga espesyal at mabibigat na sitwasyong ito? Ano ang karaniwang reaksiyon ng karamihan sa mga magulang? Ginagawa ba nila ang nararapat nilang gawin bilang mga nilikha na may pagkakakilanlan bilang magulang? Napakadalang na makarinig ang mga magulang ng gayong balita at tumugon tulad ng gagawin nila kung nangyari ito sa isang estranghero. Karamihan sa mga magulang ay nagpupuyat hanggang sa mamuti ang kanilang buhok, hindi makatulog gabi-gabi, walang gana kumain sa araw, pinipiga ang utak nila sa kakaisip, at ang ilan ay mapait pa ngang tumatangis, hanggang sa mamula ang kanilang mga mata at maubusan na sila ng luha. Taimtim silang nananalangin sa Diyos, hinihiling na isaalang-alang ng Diyos ang sarili nilang pananalig at protektahan Niya ang kanilang mga anak, na paboran at pagpalain Niya ang mga ito, na kaawaan Niya ang mga ito at iligtas ang buhay ng mga ito. Bilang mga magulang sa ganitong sitwasyon, nalalantad lahat ang kanilang mga kahinaan bilang tao, pagkamarupok, at damdamin para sa kanilang mga anak. Ano pa ang ibang nabubunyag? Ang kanilang pagiging mapaghimagsik laban sa Diyos. Nagsusumamo sila sa Diyos at nananalangin sa Kanya, nagmamakaawa sa Kanya na ilayo ang kanilang mga anak sa kapahamakan. Kahit pa maganap ang isang sakuna, ipinagdarasal nila na hindi mamatay ang kanilang mga anak, na ang mga ito ay makatakas sa panganib, hindi mapahamak ng masasamang tao, hindi lumala ang mga sakit, bagkus ay gumaling, at iba pa. Ano ba talaga ang ipinagdarasal nila? (Diyos ko, sa mga dasal na ito, mayroon silang mga hinihingi sa Diyos, nang may bahid ng pagrereklamo.) Sa isang aspekto, labis silang hindi nasisiyahan sa sitwasyon ng kanilang mga anak, nagrereklamo na hindi dapat hinayaan ng Diyos na mangyari ang mga gayong bagay sa kanilang mga anak. May halong reklamo ang kanilang kawalang-kasiyahan, at hinihiling nila sa Diyos na magbago ang isip Niya, na huwag Siyang kumilos nang ganito, na ilayo Niya ang kanilang mga anak mula sa panganib, na panatilihin Niyang ligtas ang mga ito, na pagalingin Niya ang sakit ng mga ito, na tulungan Niyang makatakas ang mga ito sa mga demanda, na makaiwas ang mga ito sa kalamidad kapag dumarating ito, at iba pa—sa madaling sabi, na gawin ng Diyos na maayos ang lahat. Sa pagdarasal nang ganito, sa isang aspekto, nagrereklamo sila sa Diyos, at sa isa pa, humihingi sila sa Kanya. Hindi ba’t ito ay pagpapamalas ng pagiging mapaghimagsik? (Oo.) Sa pahiwatig, sinasabi nila na ang ginagawa ng Diyos ay hindi tama o mabuti, na hindi Siya dapat kumilos nang ganito. Dahil mga anak nila ito, at sila ay mga mananampalataya, iniisip nila na hindi dapat hayaan ng Diyos na mangyari ang mga gayong bagay sa kanilang mga anak. Ang mga anak nila ay hindi katulad ng iba; dapat makatanggap ang mga ito ng mga espesyal na pagpapala mula sa Diyos. Sapagkat nananalig sila sa Diyos, dapat Niyang pagpalain ang kanilang mga anak, at kung hindi Niya ito gagawin, sila ay mababagabag, iiyak, magmamaktol, at aayaw nang sumunod sa Diyos. Kung mamamatay ang kanilang anak, mararamdaman nilang hindi na rin nila kaya pang mabuhay. Ito ba ang sentimyentong nasasaisip nila? (Oo.) Hindi ba’t isa itong uri ng pagprotesta laban sa Diyos? (Ganoon nga.) Ito ay pagprotesta laban sa Diyos. Para itong mga aso na humihinging pakainin sila sa oras ng kainan, at na nagwawala na kapag medyo naantala lang ang pagpapakain. Pinupulot nila ang kanilang kainan gamit ang kanilang bibig at ibinabalibag ito sa sahig—hindi ba’t wala ito sa katwiran? (Oo.) Minsan, kung bibigyan mo sila ng karne sa loob ng ilang sunod-sunod na araw pero paminsan-minsan ay may araw na walang karne, ang mga aso sa kanilang likas na ugali bilang hayop ay itatapon ang kanilang pagkain sa sahig, o kaya ay kukunin nila ang kanilang kainan gamit ang kanilang bibig at ihahampas ito sa sahig, ipinapahayag sa iyo na nais nilang mabigyan ng karne, na naniniwala sila na karne ang dapat ibigay sa kanila, at na hindi katanggap-tanggap na hindi mo sila bigyan ng karne. Ang mga tao ay ganoon din kawalang-katwiran. Kapag nahaharap sa mga problema ang kanilang mga anak, nagrereklamo sila sa Diyos, humihingi sa Kanya, at nagpoprotesta laban sa Kanya. Hindi ba’t halos katulad ito ng ugali ng mga hayop? (Oo.) Hindi naiintindihan ng mga hayop ang katotohanan o ang mga diumano’y doktrina ng mga tao at mga damdamin ng tao. Kapag nagwawala o nagmamaktol sila, medyo mauunawaan pa iyon. Pero kapag ang mga tao ang nagpoprotesta laban sa Diyos sa ganitong paraan, makatwiran ba sila? Mapapatawad ba sila? Kung umaasal nang ganito ang mga hayop, maaaring sasabihin ng mga tao na, “Talagang mainitin ang ulo ng maliit na hayop na ito. Marunong pa itong magprotesta; ang talino naman. Tingin ko, hindi natin ito dapat maliitin.” Natutuwa sila rito, at iniisip nila na ang hayop na ito ay hindi basta-basta. Kaya naman, kapag nagwawala ang isang hayop, hinahangaan ito ng mga tao. Ngunit kung isang tao ang magpoprotesta laban sa Diyos, dapat bang tratuhin din siya ng Diyos nang ganoon at sabihing, “Malalaki ang hinihingi ng taong ito; hindi siya basta-basta!” Hahangaan ka ba ng Diyos nang ganito? (Hindi.) Kung gayon, paano itinuturing ng Diyos ang ganitong pag-uugali? Hindi ba’t ito ay paghihimagsik? (Oo.) Hindi ba alam ng mga taong nananampalataya sa Diyos na mali ang pag-uugaling ito? Hindi ba’t matagal nang lumipas ang panahon ng “Ang pananampalataya ng isang tao sa Panginoon ay naghahatid ng mga pagpapala sa buong pamilya”? (Oo, matagal na iyong lumipas.) Kung gayon, bakit nag-aayuno at nagdarasal pa rin nang ganito ang mga tao, walang kahihiyang nagsusumamo sa Diyos na protektahan at pagpalain ang kanilang mga anak? Bakit nangangahas pa rin silang magprotesta at makipaglaban sa Diyos, sinasabing, “Kung hindi ganito ang gagawin Mo, patuloy akong magdarasal; mag-aayuno ako!” Ano ang ibig sabihin ng pag-aayuno? Ito ay ang magprotesta sa pamamagitan ng pagpapakagutom, na ang ibig ding sabihin ay pagkilos nang walang kahihiyan at pagmamaktol. Kapag ang mga tao ay kumikilos nang walang kahihiyan sa harap ng ibang tao, maaaring nagdadabog sila, sinasabing, “Naku, wala na ang anak ko; ayaw ko nang mabuhay pa, hindi ko na kaya!” Hindi nila ito ginagawa kapag nasa harap sila ng Diyos; nagsasalita sila nang maayos, sinasabing, “Diyos ko, nagmamakaawa po akong protektahan Mo ang aking anak at pagalingin Mo ang kanyang sakit. Diyos ko, Ikaw ang dakilang manggagamot na nagliligtas sa mga tao—kaya Mong gawin ang lahat ng bagay. Nakikusap po ako sa Iyo na bantayan at protektahan siya. Ang Iyong Espiritu ay nasa lahat ng dako, Ikaw ay matuwid, Ikaw ay isang Diyos na nagpapakita ng awa sa mga tao. Inaalagaan at pinapahalagahan mo sila.” Ano ang ibig sabihin nito? Walang mali sa sinasabi nila, hindi lang ito ang tamang oras para sabihin ang mga bagay na iyon. Ang ipinapahiwatig niyon ay na kung hindi ililigtas ng Diyos ang iyong anak at poprotektahan ito, kung hindi tutuparin ng Diyos ang mga hiling mo, hindi Siya isang mapagmahal na Diyos, wala Siyang pagmamahal, hindi Siya isang mahabaging Diyos, at hindi Siya Diyos. Hindi ba’t ito ang nangyayari? Hindi ba’t ito ay pagkilos nang walang kahihiyan? (Oo.) Dinadakila ba ng mga taong kumikilos nang walang kahihiyan ang Diyos? Mayroon ba silang may-takot-sa-Diyos na puso? (Wala.) Ang mga taong kumikilos nang walang kahihiyan ay katulad lang ng mga taong may masasamang loob—wala silang may-takot-sa-Diyos na puso. Nangangahas silang makipaglaban at magprotesta laban sa Diyos, at na kumilos pa nga nang hindi makatwiran. Hindi ba’t kapareho lang ito ng paghahanap ng kamatayan? (Oo.) Bakit napakaespesyal ng mga anak mo? Kapag pinapatnugutan at pinamumunuan ng Diyos ang kapalaran ng iba, iniisip mo na ayos lang ito basta’t wala itong kinalaman sa iyo. Pero iniisip mo na hindi Niya dapat mapamunuan ang kapalaran ng iyong mga anak? Sa mga mata ng Diyos, ang buong sangkatauhan ay nasa ilalim ng Kanyang kataas-taasang kapangyarihan, at walang makakatakas sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos na itinatakda ng mga kamay ng Diyos. Bakit dapat maiba ang mga anak mo? Ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos ay inorden at pinlano Niya. Ayos lang ba na gustuhin mong baguhin ito? (Hindi.) Hindi ito ayos lang. Kung gayon, ang mga tao ay hindi dapat gumawa ng mga kahangalan o mga hindi makatwirang bagay. Ang anumang ginagawa ng Diyos ay batay sa mga paunang itinakdang sanhi at epekto—ano ang kinalaman nito sa iyo? Kung lalabanan mo ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, naghahanap ka lang ng kamatayan. Kung ayaw mong maranasan ng iyong mga anak ang mga bagay na ito, iyon ay nagmumula sa pagmamahal, hindi sa katarungan, awa, o kabaitan—ito ay epekto lang ng iyong pagmamahal. Ang pagmamahal ang tagapagpahiwatig ng pagkamakasarili. Ang pagmamahal na iyon na nasa iyo ay hindi karapat-dapat na ipakita; ni hindi mo ito mapangatwiranan sa iyong sarili, gayunpaman, gusto mo pa rin itong gamitin para gipitin ang Diyos. May mga tao pa ngang nagsasabi na, “May sakit ang anak ko, at kung mamamatay siya, hindi na ako mabubuhay!” Talaga bang may lakas ng loob kang mamatay? Subukan mong mamatay kung gayon! Tunay ba ang pananalig ng mga gayong tao? Talaga bang hihinto ka sa pananampalataya sa Diyos kung mamamatay ang iyong anak? Ano ba ang kayang baguhin ng kanyang pagkamatay? Kung hindi ka mananampalataya sa Diyos, hindi magbabago ang pagkakakilanlan o katayuan ng Diyos. Ang Diyos ay Diyos pa rin. Hindi siya Diyos dahil nananampalataya ka sa Kanya, at hindi rin Siya titigil sa pagiging Diyos dahil sa iyong kawalan ng pananampalataya. Kahit pa hindi manampalataya sa Diyos ang buong sangkatauhan, mananatili pa ring hindi nagbabago ang pagkakakilanlan at diwa ng Diyos. Mananatiling hindi nagbabago ang Kanyang katayuan. Siya ang palaging magiging ang Siyang may kataas-taasang kapangyarihan sa kapalaran ng buong sangkatauhan at sa buong sansinukob. Wala itong kinalaman sa kung nananampalataya ka ba o hindi. Kung nananampalataya ka, ikaw ay papaboran. Kung hindi ka nananampalataya, hindi ka magkakaroon ng oportunidad na maligtas, at hindi mo ito makakamit. Minamahal at pinoprotektahan mo ang iyong mga anak, mayroon kang pagmamahal para sa iyong mga anak, hindi mo sila kayang bitiwan, at kaya hindi mo hinahayaan ang Diyos na gumawa ng anuman. May katuturan ba ito? Umaayon ba ito sa katotohanan, moralidad, o pagkatao? Hindi ito umaayon sa anuman, kahit sa moralidad, hindi ba? Hindi mo iniingatan ang iyong mga anak, pinoprotektahan mo sila—ikaw ay naiimpluwensiyahan ng iyong pagmamahal. Sinasabi mo pa nga na kung mamamatay ang anak mo ay hindi ka na magpapatuloy pang mabuhay. Dahil napakairesponsable mo sa sarili mong buhay at hindi mo iniingatan ang buhay na ibinigay sa iyo ng Diyos, kung gusto mong mabuhay para sa iyong mga anak ay sige lang, mamatay ka kasama nila. Anuman ang sakit na dumapo sa kanila, dapat kang mahawahan agad ng sakit na iyon at mamatay kasama nila; o kaya naman ay humanap ka na lang ng lubid para magbigti, hindi ba’t magiging madali iyon? Pagkatapos mong mamatay, magiging parehong uri ba kayo ng mga anak mo? Magiging ganoon pa rin ba ang pisikal ninyong ugnayan? Magkakaroon pa rin ba kayo ng pagmamahal para sa isa’t isa? Pagbalik mo sa kabilang mundo, magbabago ka. Hindi ba’t ganoon ang mangyayari? (Oo.) Kapag tinitingnan ng mga tao ang mga bagay-bagay gamit ang kanilang mga mata at hinuhusgahan nila kung ito ba ay mabuti o masama, o kung ano ba ang kalikasan ng mga ito, saan sila umaasa? Umaasa sila sa kanilang mga kaisipan. Sa pagtingin lang sa mga bagay-bagay gamit ang kanilang mga mata, ang makikita lang nila ay ang materyal na mundo; hindi nila makikita ang espirituwal na mundo. Ano ang iisipin ng mga tao? “Sa mundong ito, ang mga taong nagsilang at nagpalaki sa akin ang pinakamalapit sa akin at ang pinakamamahal ko. Mahal ko rin ang mga taong nagsilang at nagpalaki sa akin. Kahit kailan, ang anak ko ang palaging pinakamalapit sa akin, at ang anak ko ang pinakainiingat-ingatan ko.” Ito lang ang saklaw ng kanilang mga iniisip at kayang isipin; ganito “kalawak” ang kanilang pag-iisip. Isang kahangalan ba na sabihin ito o hindi? (Kahangalan ito.) Hindi ba’t parang bata ito? (Oo, parang bata.) Masyadong parang bata! Ang iyong mga anak ay kadugo mo lamang sa buhay na ito; paano naman ang nakaraan nilang buhay, paano sila nauugnay sa iyo noon? Saan sila mapupunta pagkatapos nilang mamatay? Sa sandaling mamatay sila, iyon na ang magiging huling hininga ng katawan nila, ang kanilang kaluluwa ay lilisan, at ganap na silang mamamaalam sa iyo. Hindi ka na nila makikilala, ni hindi sila mananatili kahit isang saglit, basta na lang silang babalik sa kabilang mundo. Pagbalik nila sa kabilang mundong iyon, iiyak ka, mangungulila ka sa kanila, at magiging miserable ka at mamimighati, sasabihing, “Wala na ang anak ko, at hindi ko na siya muling makikita kailanman!” May kamalayan ba ang isang taong patay na? Wala siyang kamalayan sa iyo, hindi siya nangungulila sa iyo kahit kaunti. Sa sandaling lisanin niya ang kanyang katawan, agad siyang nagiging isang pangatlong partido, at wala na siyang ugnayan sa iyo. Ano ang tingin niya sa iyo? Sinasabi niya, “Ang matandang babaeng iyon, ang matandang lalaking iyon—sino ang iniiyakan niya? Ah, iniiyakan niya ang isang katawan. Pakiramdam ko ay kakahiwalay ko lang sa katawan na iyon: Hindi na ako gaanong mabigat ngayon, at wala na akong nararamdamang sakit mula sa karamdaman—malaya na ako.” Iyan ang kanyang nararamdaman. Pagkatapos niyang mamatay at iwanan ang kanyang katawan, patuloy siyang umiiral sa kabilang mundo, nagpapakita sa ibang anyo, at wala na siyang anumang kaugnayan sa iyo. Umiiyak ka at nangungulila ka sa kanya rito, nagdurusa dahil sa kanya, ngunit wala siyang nararamdaman, wala siyang nalalaman. Paglipas ng maraming taon, dahil sa kapalaran o pagkakataon, maaaring maging katrabaho mo siya, o kababayan mo, o maaaring nakatira siya malayo sa iyo. Bagamat namumuhay kayo sa iisang mundo, kayo ay magiging dalawang magkaibang tao na walang koneksiyon sa isa’t isa. Kahit pa may taong makakilala na siya ay si ganito at ganyan sa nakaraang buhay dahil sa mga espesyal na sitwasyon o dahil sa isang espesyal na sinabi, wala siyang mararamdaman kapag nakita ka niya, at wala ka ring mararamdaman kapag nakita mo siya. Kahit pa siya ang anak mo sa nakaraang buhay, wala ka nang mararamdaman para sa kanya ngayon—ang naiisip mo lang ay ang yumao mong anak. Wala rin siyang nararamdaman para sa iyo: Mayroon na siyang sarili niyang mga magulang, sariling pamilya, at ibang apelyido—wala siyang kaugnayan sa iyo. Pero naroroon ka pa rin, na nangungulila sa kanya—saan ka nangungulila? Nangungulila ka lamang sa pisikal na katawan at pangalan na minsang kadugo mo; isa lang itong larawan, isang alaalang nananatili sa iyong mga kaisipan o utak—wala itong tunay na halaga. Siya ay muling ipinanganak, naging isang tao o anumang iba pang buhay na nilalang—wala siyang kaugnayan sa iyo. Samakatuwid, kapag sinasabi ng ilang magulang na, “Kung mamamatay ang anak ko, hindi na rin ako mabubuhay!”—iyon ay sadyang kamangmangan! Umabot na sa katapusan ang buhay niya, pero bakit ka dapat tumigil na mabuhay? Bakit ka nagsasalita nang napakairesponsable? Natapos na ang kanyang buhay, winakasan na ito ng Diyos, at mayroon na siyang ibang tungkulin—ano ang pakialam mo roon? Kung mayroon ka nang ibang tungkulin, wawakasan na din ng Diyos ang buhay mo; pero wala ka pang ibang tungkulin, kaya kailangan mong patuloy na mabuhay. Kung nais ng Diyos na mabuhay ka, hindi ka pwedeng mamatay. May kinalaman man ito sa mga magulang, anak, o sa sinumang iba pang kamag-anak o kadugo ng isang tao sa kanyang buhay, pagdating sa pagmamahal, dapat may ganitong pananaw at pang-unawa ang mga tao: Pagdating sa pagmamahal na umiiral sa pagitan ng mga tao, kung ito ay magkadugo, sapat na ang pagtupad sa responsabilidad. Maliban sa pagtupad sa kanilang mga responsabilidad, walang obligasyon o kakayahan ang mga tao na baguhin ang anumang bagay. Kaya, iresponsable para sa mga magulang na sabihing, “Kung wala na ang mga anak namin, kung kailangan naming mga magulang na ilibing ang sarili naming mga anak, ayaw na naming mabuhay pa.” Kung talagang ililibing ang mga anak ng kanilang mga magulang, masasabi lang na ganoon lang kahaba ang panahon nila sa mundong ito, at kailangan na nilang lumisan. Pero nandito pa rin ang kanilang mga magulang, kaya’t dapat pa ring patuloy na mamuhay nang maayos ang mga magulang na ito. Siyempre, ayon sa kanilang pagkatao, normal lang para sa mga tao na isipin ang kanilang mga anak, ngunit hindi nila dapat sayangin ang natitira nilang oras sa pangungulila sa kanilang mga yumaong anak. Ito ay kahangalan. Kaya, sa pagharap sa usaping ito, sa isang aspekto, dapat maging responsable ang mga tao sa kanilang sariling buhay, at sa isa pang aspekto, dapat nilang lubusang maunawaan ang mga ugnayang pampamilya. Ang tunay na relasyon sa pagitan ng mga tao ay hindi nakabatay sa mga ugnayan sa laman at dugo, bagkus, ito ay isang relasyon sa pagitan ng isang buhay na nilalang at ng isa pang nilikha ng Diyos. Ang ganitong uri ng relasyon ay walang mga ugnayan sa dugo at laman; ito ay sa pagitan lamang ng dalawang buhay na nilalang. Kung iisipin mo ito mula sa ganitong anggulo, bilang mga magulang, kapag ang inyong mga anak ay minamalas na magkasakit o kapag nanganganib ang kanilang buhay, dapat ninyong harapin nang tama ang mga usaping ito. Hindi ninyo dapat isuko ang inyong natitirang oras, ang landas na dapat ninyong tahakin, o ang mga responsabilidad at obligasyon na dapat ninyong tuparin, dahil lang sa mga kasawian o sa pagpanaw ng inyong mga anak—dapat ninyong harapin nang tama ang bagay na ito. Kung tama ang iyong mga kaisipan at pananaw at malinaw mong nauunawaan ang mga bagay na ito, mabilis mong malalampasan ang paghihinagpis, pagdadalamhati, at pangungulila. Ngunit paano kung hindi mo malinaw na maunawaan ang mga ito? Kung magkagayon, maaaring maglagi ito sa iyo habang nabubuhay ka, hanggang sa araw ng iyong kamatayan. Gayunpaman, kung malinaw mong nauunawaan ang sitwasyong ito, magkakaroon ng hangganan ang panahong ito ng buhay mo. Hindi ito magtatagal magpakailanman, hindi ka rin nito sasamahan sa huling bahagi ng buhay mo. Kung malinaw mo itong nauunawaan, mabibitiwan mo ito nang kaunti, na isang mabuting bagay para sa iyo. Ngunit kung hindi mo malinaw na nauunawaan ang mga ugnayang pampamilya ninyo ng iyong mga anak, hindi mo magagawang bumitiw, at magiging napakahirap nito para sa iyo. Walang magulang ang walang nararamdaman kapag namatay ang kanyang mga anak. Kapag naranasan ng sinumang magulang na ilibing ang kanyang mga anak, o kapag nasaksihan niyang nasa isang hindi magandang sitwasyon ang kanyang mga anak, gugugulin niya ang buong buhay niya sa kakaisip at pag-aalala tungkol sa mga ito, nang nakakulong sa pasakit. Walang makakatakas dito: Isa itong peklat at isang hindi nabuburang marka sa kaluluwa. Hindi madali para sa mga tao na bitiwan ang emosyonal na koneksiyong ito habang namumuhay sa laman, kaya’t nagdurusa sila dahil dito. Gayunpaman, kung malinaw mong nauunawaan ang emosyonal na koneksiyong ito sa iyong mga anak, hindi na ito gaanong magiging mabigat. Siyempre, gagaan ang pagdurusa mo; imposibleng ganap kang hindi magdurusa, pero labis na mababawasan ang iyong paghihirap. Kung hindi mo ito malinaw na mauunawaan, labis kang mahihirapan sa usaping ito. Ngunit kung malinaw mo itong mauunawaan, ito ay magiging isang espesyal na karanasan na nagdulot ng matinding emosyonal na trauma, na magbibigay sa iyo ng mas malalim na pagpapahalaga at pagkaunawa sa buhay, sa mga ugnayang pampamilya, at pagkatao, at na magpapayaman sa iyong karanasan sa buhay. Siyempre, ang partikular na pagpapayaman na ito ay isang bagay na hindi gustong taglayin o masumpungan ninuman. Walang may gustong maharap dito, subalit kung lilitaw ang usaping ito, kailangan mo itong harapin nang tama. Upang maiwasan ang kalupitan sa iyong sarili, dapat mong bitiwan ang mga dati mong pinanghahawakan na tradisyonal, bulok, at maling kaisipan at pananaw. Dapat mong harapin nang tama ang iyong mga kaugnayang emosyonal at sa dugo, at tratuhin nang tama ang pagpanaw ng iyong mga anak. Sa sandaling tunay mo itong maintindihan, magagawa mo itong bitiwan nang tuluyan, at hindi ka na pahihirapan ng usaping ito. Nauunawaan mo Ako, hindi ba? (Oo, nauunawaan ko.)
Sinasabi ng ilang tao na, “Ang mga anak ay mga kapaki-pakinabang na bagay na ibinibigay ng Diyos sa mga magulang, kaya sila ay para nang pribadong pag-aari ng mga magulang.” Tama ba ang pahayag na ito? (Hindi, hindi ito tama.) Pagkarinig ng ilang magulang dito, sinasabi nila, “Tama ang pahayag na ito. Wala na kaming iba pang pag-aari kundi ang mga anak namin, na sarili naming laman at dugo. Sila ang pinakamamahal namin.” Tama ba ang pahayag na ito? (Hindi.) Ano ang mali rito? Pakipaliwanag ng inyong pangangatwiran. Nararapat bang ituring ang mga anak bilang pribadong pag-aari ng isang tao? (Hindi, hindi ito nararapat.) Bakit hindi ito nararapat? (Dahil ang pribadong pag-aari ay pag-aari ng isang tao at hindi ng iba. Subalit, ang ugnayan sa pagitan ng mga anak at mga magulang ay walang iba kundi isang ugnayan ng laman. Ang buhay ng tao ay nagmumula sa Diyos, ito ang hiningang ibinigay ng Diyos. Kung naniniwala ang isang tao na siya ang nagbigay ng buhay sa kanyang mga anak, mali ang kanyang perspektiba at posisyon, at ni hindi rin siya naniniwala sa kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos.) Hindi ba’t totoo ito? Maliban sa pisikal na ugnayan, sa mga mata ng Diyos, magkahiwalay ang buhay ng mga anak at ng mga magulang. Hindi sila pag-aari ng isa’t isa, at wala ring herarkiya ang kanilang ugnayan. Siyempre, lalong wala silang relasyon ng pagmamay-ari o pagiging pag-aari. Ang buhay nila ay nagmumula sa Diyos, at ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa kanilang tadhana. Ang mga anak ay ipinanganak lang ng kanilang mga magulang, ang mga magulang ay mas matanda kaysa sa kanilang mga anak, at ang mga anak ay mas bata kaysa sa kanilang mga magulang; subalit, batay sa ugnayang ito, sa mababaw na penomenang ito, naniniwala ang mga tao na ang mga anak ay mga aksesorya at pribadong pag-aari ng kanilang mga magulang. Hindi ito pagtingin sa usapin mula sa ugat nito, kundi pagsasaalang-alang lamang ito batay sa panlabas na aspekto, sa laman, at sa mga damdamin ng isang tao. Samakatuwid, mali ang mismong paraang ito ng pagsasaalang-alang, at mali ang perspektibang ito. Hindi ba’t totoo iyon? (Oo.) Dahil ang mga anak ay hindi mga aksesorya o pribadong pag-aari ng kanilang mga magulang, kundi mga taong nakapagsasarili, anuman ang mga inaasahan ng mga magulang mula sa kanilang mga anak paglaki ng mga ito, dapat manatiling mga ideya lamang sa kanilang isipan ang mga inaasahang ito—hindi ito maaaring maging realidad. Siyempre, kahit pa may mga inaasahan ang mga magulang mula sa kanilang mga anak na nasa hustong gulang na, hindi nila dapat subukang isakatuparan ang mga ito, at hindi rin nila dapat gamitin ang kanilang mga anak upang tuparin ang sarili nilang mga pangako at hindi rin sila dapat magsakripisyo o magbayad ng anumang halaga para sa mga ito. Kung gayon, ano ang dapat gawin ng mga magulang? Dapat silang magpasyang bumitiw kapag ang kanilang mga anak na nasa hustong gulang na ay may sarili nang buhay at kaya nang patuloy na mabuhay. Ang pagbitiw ang nag-iisang tunay na paraan para magpakita ng respeto sa mga anak at maging responsable para sa mga ito. Ang palaging pangingibabaw sa kanilang mga anak, pagkontrol sa mga ito, o pagnanais na makialam at makisali sa buhay at pananatiling buhay ng mga ito ay isang mangmang at walang katuturang pag-uugali sa parte ng mga magulang, at ito ay paggawa sa mga bagay-bagay sa paraang tila pambata. Gaano man kataas ang mga ekspektasyon ng mga magulang mula sa kanilang mga anak, hindi nito mababago ang anuman at hindi ito posibleng maging realidad. Samakatuwid, kung ang mga magulang ay may karunungan, dapat nilang bitiwan ang lahat ng makatotohanan o hindi makatotohanang ekspektasyong ito, at dapat silang magkaroon ng isang tamang perspektiba at paninindigan sa pangangasiwa nila sa ugnayan nila sa kanilang mga anak at sa pagharap sa bawat pagkilos ng kanilang mga anak na nasa hustong gulang na o sa bawat pangyayaring nararanasan ng mga ito. Iyon ang prinsipyo. Nararapat ba ito? (Oo, nararapat ito.) Kung maisasakatuparan mo ito, patutunayan nito na tinatanggap mo ang mga katotohanang ito. Ngunit kung hindi mo ito magagawa, at igigiit mong gawin ang mga bagay-bagay sa sarili mong paraan, iniisip na ang pagmamahalan ng pamilya ang pinakadakila at pinakamahalagang bagay, at ang pinakamakabuluhang bagay sa mundo, na para bang kaya mong pangasiwaan ang kapalaran ng iyong mga anak at hawakan ang kanilang tadhana sa iyong mga kamay, kung gayon, sige subukan mo—tingnan natin kung ano ang magiging pangwakas na resulta. Hindi na kailangan pang sabihin na mauuwi lamang ito sa isang miserableng pagkatalo, na walang mabuting kalalabasan.
Bukod pa sa pagkakaroon ng mga ekspektasyong ito mula sa mga anak na nasa hustong gulang na, mayroon ding hinihingi ang mga magulang sa sarili nilang mga anak na karaniwan sa lahat ng magulang sa buong mundo, na sana ay maging mabuting anak ang mga ito at tratuhin nang maayos ang kanilang mga magulang. Siyempre, mayroong mga mas partikular na hinihingi sa kanilang mga anak ang ilang etnikong grupo at rehiyon. Halimbawa, bukod sa pagiging mabuting anak sa mga magulang, kinakailangan din nilang alagaan ang kanilang mga magulang hanggang kamatayan at isaayos ang libing ng mga ito, manirahan kasama ang mga ito pagtuntong nila sa hustong gulang, at maging responsable para sa mga kabuhayan ng mga ito. Ito ang huling aspekto ng mga ekspektasyon ng mga magulang sa kanilang mga anak na ating tatalakayin ngayon—ang paghingi na maging mabuting anak ang mga ito at alagaan sila sa kanilang pagtanda. Hindi ba’t ito ang totoong intensiyon ng lahat ng magulang sa pagkakaroon ng mga anak, at ang pangunahing hinihingi nila sa kanilang mga anak? (Oo, ganoon na nga.) Tinatanong ng mga magulang ang kanilang mga anak habang bata pa ang mga ito at hindi pa nakakaunawa ng mga bagay-bagay: “Kapag malaki ka na at kumikita ng pera, kanino mo ito gagastusin? Gagastusin mo ba ito para kay nanay at tatay?” “Opo.” “Gagastusin mo ba ito para sa mga magulang ni tatay?” “Opo.” “Gagastusin mo ba ito para sa mga magulang ni nanay?” “Opo.” Gaano kalaking pera ang maaaring kitain ng isang anak sa kabuuan? Kailangan niyang suportahan ang kanyang mga magulang, ang magkabilang pares ng lolo at lola, at maging ang kanilang malalayong kamag-anak. Sabihin mo sa Akin, hindi ba’t mabigat na pasanin ito para sa isang bata, hindi ba’t kapus-palad sila? (Oo.) Kahit na nagsasalita sila nang inosente at walang muwang gaya ng ginagawa ng mga bata, at hindi nila alam kung ano talaga ang kanilang sinasabi, sumasalamin ito sa isang partikular na realidad, na pinapalaki ng mga magulang ang kanilang mga anak nang may layon, at ang layong iyon ay hindi dalisay o simple. Habang masyado pang bata ang kanilang mga anak, nagsisimula nang magtakda ng mga hinihingi ang mga magulang at palagi nilang sinusubok ang kanilang mga anak, tinatanong: “Paglaki mo, susuportahan mo ba si nanay at tatay?” “Opo.” “Susuportahan mo ba ang mga magulang ni tatay?” “Opo.” “Susuportahan mo ba ang mga magulang ni nanay?” “Opo.” “Sino ang pinakagusto mo?” “Si nanay ang pinakagusto ko.” Pagkatapos ay nagseselos ang ama, “Paano naman si tatay?” “Si tatay ang pinakagusto ko.” Nagseselos naman ang ina, “Sino ba talaga ang pinakagusto mo?” “Si nanay at tatay.” At doon ay nasisiyahan na ang parehong magulang. Sinisikap nilang maging mabuting anak ang kanilang mga anak samantalang halos kakasimula pa lang matutong magsalita ang mga ito, at umaasa sila na tatratuhin sila nang maayos ng kanilang mga anak paglaki ng mga ito. Bagamat hindi pa malinaw na maipapahayag ng mga batang ito ang kanilang sarili at wala pa silang gaanong nauunawaan, nais pa rin ng mga magulang na makarinig ng isang pangako sa mga sagot ng kanilang mga anak. Kasabay nito, nais din nilang makita ang kanilang sariling kinabukasan sa kanilang mga anak at umaasa sila na ang mga anak na pinapalaki nila ay hindi magiging walang utang na loob, kundi ay magiging mabubuting anak na magpapakaresponsable para sa kanila, at higit pa rito, magiging mga anak na maaasahan nila, at susuporta sa kanila sa kanilang pagtanda. Bagamat tinatanong na nila ang mga katanungang ito mula pa noong bata pa ang kanilang mga anak, hindi ito mga simpleng katanungan lamang. Ang mga ito ay ganap na mga hinihingi at inaasam na umuusbong mula sa kaibuturan ng puso ng mga magulang na ito, mga napakatunay na hinihingi at inaasam. Kaya, sa sandaling makaunawa ng mga bagay-bagay ang kanilang mga anak, umaasa ang mga magulang na kapag nagkasakit sila, ang kanilang mga anak ay makakapagpakita ng malasakit, mananatili sa tabi ng kanilang kama at aalagaan sila, kahit na iyon ay pagsasalin lang ng tubig para makainom sila. Bagamat walang gaanong magagawa ang mga anak, hindi makakapagbigay ng pinansiyal o mas praktikal na tulong ang mga ito, kahit papaano man lang ay dapat makapagpakita ang mga ito ng ganitong pagkamabuting anak. Gusto ng mga magulang na makita ang ganitong pagkamabuting anak habang bata pa ang kanilang mga anak, at kumpirmahin ito paminsan-minsan. Halimbawa, kapag hindi maganda ang pakiramdam ng mga magulang o pagod sila sa trabaho, tinitingnan nila kung alam ng kanilang mga anak na dalhan sila ng inumin, dalhan sila ng mga sapatos, labhan ang kanilang mga damit, o ipagluto sila ng simpleng pagkain, kahit pa ito ay pritong itlog at kanin lamang, o kung tatanungin ba sila ng mga ito na, “Pagod ba kayo? Kung oo, hayaan ninyong ipagluto ko kayo ng makakain.” May mga magulang na umaalis tuwing may okasyon at sadyang hindi bumabalik sa oras ng kainan para maghanda ng pagkain, para lang makita nila kung ang kanilang mga anak ay lumaki na at naging matino, kung alam ba ng mga ito na ipagluto sila, kung alam ba ng mga ito na maging mabuti at maalalahaning anak, kung kaya bang makihati ng mga ito sa kanilang mga paghihirap, o kung ang mga ito ba ay mga walang-pusong ingrata, kung sa wala lang ba nauwi ang pagpapalaki nila sa mga ito. Habang lumalaki ang kanilang mga anak, at kahit na nasa hustong gulang na ang mga ito, palaging sinusubok ng mga magulang ang mga ito at palagi nilang inuusisa ang tungkol sa bagay na ito, at kasabay nito, palagi silang may hinihingi sa kanilang mga anak, “Hindi ka dapat maging isang walang-pusong ingrata. Bakit ka nga ba namin pinalaki bilang mga magulang mo? Ito ay upang alagaan mo kami pagtanda namin. Sa wala lang ba nauwi ang pagpapalaki namin sa iyo? Hindi mo kami dapat suwayin. Hindi naging madali para sa amin na palakihin ka. Mabigat na trabaho iyon. Dapat kang maging maalalahanin at dapat alam mo ang mga bagay na ito.” Lalo na sa tinatawag na yugto ng pagrerebelde, na ibig sabihin, sa pagtuntong ng isang binatilyo o dalagita sa hustong gulang, may mga anak na hindi gaanong matino o maunawain, at madalas silang sumusuway sa kanilang mga magulang at nagsasanhi ng gulo. Ang kanilang mga magulang ay umiiyak, gumagawa ng eksena, at nanunumbat, sinasabing, “Hindi mo alam kung gaano kami naghirap para alagaan ka noong maliit ka pa! Hindi namin akalain na magiging ganito ka paglaki mo, hindi mabuting anak, hindi marunong makihati sa pagpasan sa mga gawaing bahay o sa mga paghihirap namin. Hindi mo alam kung gaano kahirap ang lahat ng ito para sa amin. Hindi ka isang mabuting anak, pasaway ka, hindi ka isang mabuting tao!” Bukod sa pagiging galit sa kanilang mga anak dahil sa pagiging suwail o pagpapakita ng radikal na pag-uugali sa pag-aaral o pang-araw-araw na buhay ng mga ito, ang isa pang dahilan ng kanilang galit ay ang hindi nila makita ang kanilang sariling kinabukasan sa kanilang mga anak, o nakikita nila na hindi magiging mabuting anak ang mga ito sa hinaharap, na ang mga ito ay hindi maalalahanin at hindi naaawa sa kanilang mga magulang, na wala sa puso ng mga ito ang kanilang mga magulang, o sa mas tumpak na pananalita, hindi alam ng mga ito kung paano maging mabuting anak sa kanilang mga magulang. Kaya, sa tingin ng mga magulang, hindi sila makakaasa sa mga ganitong anak: Maaaring walang utang na loob o suwail ang mga anak na ito, at nagdadalamhati ang kanilang mga magulang, nakakaramdam na nasayang ang kanilang mga ipinuhunan at ginastos para sa kanilang mga anak, na nadehado sila, na hindi ito sulit, at na pinagsisisihan nila ito, kaya nalulungkot sila, nababagabag, at nagdadalamhati. Pero hindi na nila mababawi ang kanilang ginastos, at habang mas hindi nila ito nababawi, mas lalo silang nagsisisi, mas lalo nilang iginigiit na maging mabuting anak ang kanilang mga anak, sinasabing, “Hindi ba pwedeng maging mas mabuting anak ka kahit kaunti? Hindi ba pwedeng mas magpakatino ka? Hindi ka ba namin maaasahan paglaki mo?” Halimbawa, sabihin nating kailangan ng mga magulang ng pera, at wala silang sinasabi tungkol dito, pero nag-uuwi ang kanilang mga anak ng perang iyon para sa kanila. Ipagpalagay natin na gustong kumain ng mga magulang ng karne o ng masarap at masustansiyang pagkain, at wala silang sinasabi tungkol dito, pero nag-uuwi ang kanilang mga anak ng pagkaing iyon para sa kanila. Talagang maalalahanin ang mga anak na iyon sa kanilang mga magulang—gaano man sila kaabala sa trabaho o gaano man kabigat ang mga sarili nilang pasanin sa pamilya—palagi nilang iniisip ang kanilang mga magulang. Kapag nagkagayon, iisipin ng kanilang mga magulang na, “Ah, maaasahan ang anak ko, malaki na siya sa wakas, sulit lang ang lahat ng pagod na iginugol ko sa pagpapalaki sa kanya, sulit lang ang perang ginastos ko para sa kanya, nakikita naming naibabalik ang aming ipinuhunan.” Subalit, kung may anumang gagawin ang kanilang mga anak na medyo mas mababa sa inaasahan ng mga magulang, huhusgahan nila iyon batay sa kung gaano kabuting anak ang mga ito, tinutukoy na ang kanilang mga anak ay hindi mabuting anak, hindi maaasahan, walang utang na loob, at na nauwi sa wala ang pagpapalaki nila sa mga ito.
May mga magulang din na paminsan-minsang abala sa trabaho o sa pag-aasikaso ng mga gawain, at pag-uwi nila nang medyo gabi ay nalalaman nilang nagluto ng hapunan ang kanilang mga anak pero hindi sila ipinagtabi ng pagkain. Ang mga kabataang ito ay hindi pa umaabot sa tamang edad, maaaring hindi nila ito naiisip o nakagawiang gawin, o may ilang tao na sadyang walang pagkatao, at hindi marunong magpakita ng konsiderasyon o malasakit sa iba. Maaaring naimpluwensiyahan din sila ng kanilang mga magulang, o maaaring likas na makasarili ang kanilang pagkatao, kaya’t nagluluto at kumakain sila nang hindi nagtitira ng pagkain para sa kanilang mga magulang o nagluluto nang may sobra. Kapag umuwi na ang mga magulang at nakita nila ito, nasasaktan sila at nakakaramdam sila ng sama ng loob. Ano ang ikinasasama ng loob nila? Iniisip nila na ang kanilang mga anak ay hindi mabubuting anak at hindi rin matitino. Lalo na pagdating sa mga dalagang ina: Mas lalong sumasama ang loob nila kapag nakikita nilang umaasal nang ganito ang kanilang mga anak. Nagsisimula silang umiyak at sumigaw, “Sa tingin mo ba naging madali para sa akin na palakihin ka sa loob ng maraming taon? Ako ang naging ama at ina mo, ang nagpalaki sa iyo sa buong panahong ito. Nagtatrabaho ako nang husto, at pag-uwi ko, hindi mo man lang ako ipinagluluto ng hapunan. Kahit isang mangkok man lang ng lugaw, kahit pa nga hindi iyon mainit, magiging isa pa rin iyong magandang tanda ng iyong pagmamahal. Bakit hindi mo ito maintindihan sa edad mong iyan?” Hindi sila nakakaintindi at hindi sila kumikilos nang nararapat, pero kung wala kang ganitong inaasahan sa kanila, magagalit ka ba nang todo? Seseryosohin mo ba ang usaping ito? Ituturing mo ba itong batayan ng pagiging mabuting anak? Kung hindi ka nila ipagluto, pwede mo namang ipagluto ang sarili mo. Kung wala sila, hindi ba’t kailangan mo pa rin namang patuloy na mabuhay? Kung hindi sila mabuting anak sa iyo, hindi ba’t dapat ay hindi mo na lang sila ipinanganak? Kung hindi talaga sila kailanman matututo kung paano ka pahalagahan at alagaan sa buong buhay nila, ano ang dapat mong gawin? Dapat mo bang ituring ang usaping ito nang tama o dapat ka bang magalit, sumama ang loob, at magsisi tungkol dito, palaging makipag-away sa kanila? Ano ang tamang gawin? (Harapin nang tama ang bagay na ito.) Sa kabuuan, hindi mo pa rin alam kung ano ang gagawin. Sa huli, sinasabi mo na lang sa mga tao, “Huwag kang mag-anak. Pagsisisihan mo ang bawat batang isisilang mo. Walang maganda sa pagkakaroon ng anak, o sa pagpapalaki sa kanila. Palagi na lang silang lumalaking mga walang-pusong ingrata! Mas mainam pang maging mabuti sa sarili mo at huwag nang umasa kahit kanino. Walang sinumang maaasahan! Sinasabi ng lahat na maaasahan ang mga anak, ngunit ano ba ang maaasahan mo? Parang mas maaasahan ka pa nila. Tinatrato mo sila nang maayos sa maraming iba’t ibang paraan, pero kapalit nito, iniisip nila na ang kaunti pang kabaitan nila sa iyo ay isa nang napakalaking kabutihan, at na katumbas na ito ng pagtrato sa iyo nang tama.” Mali ba ang pahayag na ito? Isa ba itong uri ng opinyon, isang uri ng kaisipan at pananaw na umiiral sa lipunan? (Oo.) “Sinasabi ng lahat na ang pagpapalaki ng mga anak ay makakatulong sa pagtutustos sa mga pangangailangan mo pagtanda mo. Ni hindi nga madali na magawa silang ipagluto ka, lalo na ang tustusan ka pagtanda mo. Huwag ka nang umasa!” Anong uri ng pahayag ito? Hindi ba’t puro pagmamaktol lang ito? (Oo, ganoon na nga.) Paano nagkakaroon ng ganitong pagmamaktol? Hindi ba’t ito ay dahil masyadong mataas ang mga ekspektasyon ng mga magulang mula sa kanilang mga anak? Mayroon silang mga pamantayan at hinihingi sa kanilang mga anak, iginigiit nila na ang mga ito ay maging mabuting anak, maalalahanin, masunurin sa bawat sabihin nila paglaki ng mga ito, at na gawin ng mga ito ang anumang kinakailangan para maging mabuting anak, at gawin kung ano ang dapat gawin ng mga anak. Sa sandaling itakda mo ang mga hinihingi at pamantayang ito, imposible na para sa iyong mga anak na matugunan ang mga ito kahit ano pa ang gawin nila, at mapupuno ka ng pagmamaktol at magkakaroon ka ng napakaraming reklamo. Anuman ang gawin ng iyong mga anak, magsisisi kang ipinanganak mo sila, mararamdaman mong mas maraming kawalan kaysa pakinabang at walang naibabalik sa ipinuhunan mo. Hindi ba’t ganito ang nangyayari? (Oo.) Hindi ba’t ito ay dahil mali ang layon mo sa pagpapalaki ng mga anak? (Oo.) Tama ba o mali na magkaroon ng mga ganitong kahihinatnan? (Mali ito.) Mali na magkaroon ng mga ganitong kahihinatnan, at malinaw na ang pangunahin mong layon sa pagpapalaki ng mga anak ay mali rin. Ang pagpapalaki ng mga anak ay isa nang responsabilidad at obligasyon ng mga tao. Noong simula, ito ay likas na udyok ng tao, at kalaunan ay naging isa nang obligasyon at responsabilidad. Ang mga anak ay hindi kinakailangang maging mabuting anak sa kanilang mga magulang o sumuporta sa kanilang mga magulang sa pagtanda ng mga ito, at hindi naman ibig sabihin na dapat lamang mag-anak ang mga tao kung mabubuting anak ang mga ito. Ang mismong pinagmulan ng layong ito ay marumi, kaya sa huli ay inaakay nito ang mga tao na ipahayag ang ganitong uri ng maling kaisipan at pananaw: “Hay naku, huwag kang magpalaki ng mga anak, anuman ang gawin mo.” Dahil marumi ang layon, mali rin ang mga ibinubunga nitong kaisipan at pananaw. Kaya, hindi ba’t kailangang ituwid at bitiwan ang mga ito? (Oo.) Paano dapat bitiwan at ituwid ng isang tao ang mga ito? Anong klaseng layon ang dalisay? Anong uri ng kaisipan at pananaw ang tama? Sa madaling salita, ano ang tamang paraan ng pangangasiwa sa ugnayan ng isang tao sa kanyang mga anak? Una sa lahat, ang pagpapalaki ng mga anak ay sarili mong pasya, kusang-loob mo silang ipinanganak, at sila ay pasibo sa pagkakapanganak sa kanila. Maliban sa gampanin at responsabilidad na ibinigay ng Diyos sa mga tao na magkaanak, at maliban sa ordinasyon ng Diyos, para sa mga magulang, ang kanilang pansariling dahilan at pinagsisimulan ay na handa silang mag-anak. Kung handa kang magkaanak, dapat mo silang palakihin at alagaan hanggang umabot sila sa hustong gulang, na magbibigay-kakayahan sa kanila na matutong makapagsarili. Handa kang magkaanak, at marami ka nang nakamit mula sa pagpapalaki sa kanila—lubos kang nakinabang. Una sa lahat, nasiyahan ka sa masasayang panahon kasama ang mga anak mo, at nasiyahan ka rin sa proseso ng pagpapalaki sa kanila. Bagamat may mga tagumpay at kabiguan sa prosesong ito, kadalasan ay puno ito ng kaligayahan ng pagsasama ninyo ng mga anak mo, na isang kinakailangang proseso sa pagkatao. Natamasa mo ang mga bagay na ito, at marami ka nang nakamit mula sa iyong mga anak, hindi ba? Ang mga anak ay naghahatid ng kaligayahan at nagbibigay ng makakasama sa kanilang mga magulang, at sa pamamagitan ng pagbabayad ng halaga at paggugol ng oras at lakas, ang mga magulang ang nakakasaksi na unti-unting lumaki ang mumunting buhay na ito hanggang sa umabot sa hustong gulang. Mula sa isang walang kamalayan at batang buhay na walang anumang nalalaman, ang kanilang mga anak ay unti-unting natututong magsalita, nagkakaroon ng kakayahang pagsama-samahin ang mga salita, natututunan at natutukoy ang kaibahan ng iba’t ibang uri ng kaalaman, nakakausap at nakakaugnayan ang kanilang mga magulang, at natitingnan ang mga bagay-bagay nang patas. Ito ang uri ng prosesong pinagdaraanan ng mga magulang. Para sa kanila, hindi mapapalitan ng anumang iba pang pangyayari o tungkulin ang prosesong ito. Natamasa at nakamit na ng mga magulang ang mga bagay na ito mula sa kanilang mga anak, na isang malaking kaginhawahan at gantimpala para sa kanila. Sa katunayan, mula pa lamang sa pagkakaroon at pagpapalaki ng mga anak, marami ka nang nakamit mula sa kanila. Pagdating naman sa kung magiging mabuting anak ba sila sa iyo, kung makakaasa ka ba sa kanila bago ka pumanaw, at kung ano ang maaari mong makuha mula sa kanila, ang mga bagay na ito ay nakasalalay sa kung nakatadhana ba kayong mamuhay nang magkasama, at ito ay nakasalalay sa ordinasyon ng Diyos. Sa isa pang aspekto, sa kung anong uri ba ng kapaligiran namumuhay ang iyong mga anak, ang kanilang mga kalagayan sa pamumuhay, kung mayroon ba sila ng mga kakailanganin para maalagaan ka, kung sila ba ay maginhawa sa pinansiyal na aspekto, at kung mayroon ba silang sobrang pera para mabigyan ka ng materyal na kasiyahan at tulong, ay nakasalalay ring lahat sa ordinasyon ng Diyos. Bukod pa rito, bilang mga magulang, kung kapalaran mo bang magtamasa ng mga materyal na bagay, pera, o emosyonal na kaginhawahan na ibinibigay sa iyo ng iyong mga anak, ito rin ay nakasalalay sa ordinasyon ng Diyos. Hindi ba’t totoo ito? (Oo.) Ang mga ito ay hindi mga bagay na maaaring hingin ng mga tao. Alam mo, may mga anak na hindi gusto ng kanilang mga magulang, at ayaw ng kanilang mga magulang na manirahan kasama sila, subalit inorden ng Diyos na manirahan sila kasama ang kanilang mga magulang, kaya hindi nila magawang maglakbay nang malayo o iwan ang kanilang mga magulang. Makakasama nila ang kanilang mga magulang sa buong buhay nila—hindi mo maitataboy ang mga ito kahit pa subukan mo. Sa kabilang dako naman, may mga anak na may mga magulang na gustong-gusto silang makasama; hindi sila mapaghihiwalay, palagi silang nangungulila sa isa’t isa, ngunit sa iba’t ibang kadahilanan, hindi nila magawang tumira sa kaparehong lungsod ng kanilang mga magulang, o maging sa kaparehong bansa. Mahirap para sa kanila na makita at makausap ang isa’t isa; kahit na labis nang umunlad ang mga pamamaraan ng komunikasyon, at maaari namang makapag-video chat, iba pa rin ito sa pamumuhay araw-araw nang magkasama. Ang kanilang mga anak, sa anumang kadahilanan, ay nangingibang-bansa, nagtatrabaho o namumuhay sa ibang lugar pagkatapos mag-asawa, at kung ano-ano pa, at napakalaking distansiya ang layo nila sa kanilang mga magulang. Hindi madaling makipagkita kahit isang beses lang, at nakadepende sa oras ang pagtawag sa telepono o video. Dahil sa pagkakaiba ng oras o iba pang abala, hindi nila madalas na makausap ang kanilang mga magulang. Sa anong bagay may kaugnayan ang mga pangunahing aspektong ito? Hindi ba’t ang lahat ng ito ay may kaugnayan sa ordinasyon ng Diyos? (Oo.) Hindi ito isang bagay na mapagdedesisyunan ng mga pansariling kahilingan ng magulang o anak; higit sa lahat, nakasalalay ito sa ordinasyon ng Diyos. Sa isa pang aspekto, inaalala ng mga magulang kung makakaasa ba sila sa kanilang mga anak sa hinaharap. Ano ang nais mong asahan mula sa kanila? Ang maghatid ng tsaa at magsalin ng tubig? Anong klaseng pagdepende iyan? Hindi mo ba iyon kayang gawin nang ikaw lang? Kung malusog ka at kaya mong kumilos at alagaan ang iyong sarili, na gawin ang lahat nang mag-isa, hindi ba’t maganda iyon? Bakit kailangan mo pang umasa sa iba na paglingkuran ka? Talaga bang isang kaligayahan na matamasa ang pag-aaruga at pagiging naroon ng iyong mga anak, pati na rin ang paglilingkod nila sa iyo kapwa sa hapag-kainan at sa iba pang gawain? Hindi lagi. Kung hindi ka makakilos, at talagang kinakailangan nilang paglingkuran ka sa hapag-kainan at sa ibang gawain, iyon ba ay kaligayahan para sa iyo? Kung makakapili ka, pipiliin mo bang maging malusog at hindi mangailangan ng aruga mula sa iyong mga anak, o pipiliin mo bang maging paralisado sa kama habang kasama mo ang iyong mga anak sa tabi mo? Alin ang pipiliin mo? (Ang maging malusog.) Hindi hamak na mas magandang maging malusog. Kung mabubuhay ka man hanggang 80, 90, o kahit 100 taon, kaya mo pa ring patuloy na alagaan ang sarili mo. Isa itong magandang kalidad ng buhay. Bagamat tumatanda ka man, bumabagal man ang iyong pang-unawa, mahina man ang iyong memorya, humihina ka mang kumain, mas mabagal man at hindi na gaanong maayos ang paggawa mo sa mga bagay-bagay, at hindi na gaanong komportable ang paglabas, maganda pa rin na kaya mong asikasuhin ang iyong sariling mga pangunahing pangangailangan. Sapat na ang makatanggap ng tawag mula sa iyong mga anak paminsan-minsan para kumustahin ka nila o na umuwi sila at samahan ka kapag may mga okasyon. Bakit ka hihingi ng mas marami pa sa kanila? Palagi kang umaasa sa iyong mga anak; magiging masaya ka lang ba kapag naging alipin mo sila? Hindi ba’t makasarili na isipin mo ang ganoon? Palagi mong hinihingi na maging mabuting anak ang iyong mga anak at na maasahan mo sila—ano nga ba ang aasahan mo? Umasa ba sa iyo ang mga magulang mo? Kung hindi man lang umasa sa iyo ang mga magulang mo, bakit mo iniisip na dapat kang umasa sa sarili mong mga anak? Hindi ba’t iyon ay pagiging hindi makatwiran? (Oo.)
Tungkol sa usapin ng pag-asam ng mga magulang na maging mabuting anak sa kanila ang kanilang mga anak, sa isang aspekto, dapat malaman ng mga magulang na ang lahat ng bagay ay pinamamatnugutan ng Diyos at nakasalalay sa ordinasyon ng Diyos. Sa isa pang aspekto, dapat maging makatwiran ang mga tao, at sa pagsilang sa kanilang mga anak, likas na nararanasan ng mga magulang ang isang espesyal na bagay sa buhay. Marami na silang nakamit mula sa kanilang mga anak at nagawa na nilang pahalagahan ang mga kalungkutan at kagalakan sa pagiging magulang. Ang prosesong ito ay isang makabuluhang karanasan sa kanilang buhay, at siyempre, isa rin itong hindi malilimutang karanasan. Pinupunan nito ang mga pagkukulang at kamangmangan na nasa kanilang pagkatao. Bilang mga magulang, nakamit na nila ang nararapat nilang makamit sa pagpapalaki ng kanilang mga anak. Kung hindi sila kontento rito at hinihingi nilang pagsilbihan sila ng kanilang mga anak bilang mga katulong o alipin, at kung umaasam sila na susuklian sila ng kanilang mga anak para sa pagpapalaki sa mga ito sa pamamagitan ng pagpapakita ng pagiging mabuting anak sa mga magulang, pag-aalaga sa kanila sa kanilang pagtanda, paghatid sa kanila sa libingan nila, paglalagay sa kanila sa kabaong, pagpapanatili sa katawan nila para hindi ito mabulok sa bahay, pag-iyak nang labis kapag pumanaw na sila, pagdadalamhati at pagluluksa para sa kanila sa loob ng tatlong taon, atbp., na magagamit ng kanilang mga anak para mabayaran ang pagkakautang ng mga ito, kung gayon, nagiging hindi makatwiran at hindi makatao ito. Alam mo, pagdating sa kung paano tinuturuan ng Diyos ang mga tao na tratuhin ang kanilang mga magulang, hinihingi lamang Niya na maging mabuting anak sila sa kanilang mga magulang, at hindi Niya hinihingi kahit kaunti na suportahan ng mga anak ang kanilang mga magulang hanggang sa kamatayan. Hindi binibigyan ng Diyos ang mga tao ng ganitong responsabilidad at obligasyon—wala Siyang sinabing ganito kahit kailan. Pinapayuhan lamang ng Diyos ang mga anak na maging mabuting anak sa kanilang mga magulang. Ang pagpapakita ng pagiging mabuting anak sa mga magulang ay isang pangkalahatang pahayag na may malawak na saklaw. Sa partikular na pananalita ngayon, nangangahulugan ito ng pagtupad sa iyong mga responsabilidad sa abot ng iyong kakayahan at mga kalagayan—sapat na iyon. Ganoon lang iyon kasimple, iyon lamang ang hinihingi sa mga anak. Kaya, paano dapat maunawaan ng mga magulang ito? Hindi hinihingi ng Diyos na “Ang mga anak ay dapat maging mabuting anak sa kanilang mga magulang, alagaan sila sa pagtanda, at ihatid sila sa huling hantungan.” Kaya naman, dapat na bitiwan ng mga magulang ang kanilang pagiging makasarili at huwag umasa na sa kanila iikot ang lahat ng bagay tungkol sa kanilang mga anak dahil lang sila ang nagsilang sa mga ito. Kung ang buhay ng mga anak ay hindi umiikot sa kanilang mga magulang at hindi nila itinuturing na sentro ng kanilang buhay ang mga ito, hindi tamang palagi silang pagalitan, konsensiyahin, at sabihan ng kanilang mga magulang ng mga bagay tulad ng “Wala kang utang na loob, hindi ka mabuting anak, at suwail ka, at kahit matapos kitang palakihin nang napakahabang panahon, hindi pa rin kita maasahan,” palaging pinagagalitan ang kanilang mga anak nang ganito at binibigyan ang mga ito ng mga pasanin. Ang hingin sa kanilang mga anak na maging mabuting anak at samahan sila, alagaan sila sa kanilang pagtanda at ilibing sila, at palagi silang isipin saanman magpunta ang mga ito, ay isang likas na maling paraan ng pagkilos at hindi makataong kaisipan at ideya. Ang ganitong pag-iisip ay maaaring umiral sa magkakaibang antas sa iba’t ibang bansa o sa iba’t ibang etnikong pangkat, ngunit kung titingnan ang tradisyonal na kultura sa China, lubusang binibigyang-diin ng mga Tsino ang pagiging mabuting anak. Magmula sa sinaunang panahon hanggang sa kasalukuyan, palagi itong tinatalakay at binibigyang-diin bilang isang parte ng pagkatao ng mga tao at isang pamantayan ng pagsukat kung ang isang tao ay mabuti ba o masama. Siyempre, mayroon ding isang karaniwang kaugalian at pampublikong opinyon sa lipunan na kung hindi mabuting anak ang mga anak, mapapahiya rin ang kanilang mga magulang, at mararamdaman ng mga anak na hindi nila kayang tiisin ang bahid na ito sa kanilang reputasyon. Sa ilalim ng impluwensiya ng iba’t ibang bagay, lubha ring nalalason ang mga magulang ng ganitong tradisyonal na pag-iisip, hinihingi nila nang walang pag-iisip o pagkilatis na maging mabuting anak ang kanilang mga anak. Ano ang silbi ng pagpapalaki ng mga anak? Hindi ito para sa sarili mong mga pakay, kundi isang responsabilidad at obligasyon na ibinigay sa iyo ng Diyos. Ang isang aspekto ay na ang pagpapalaki ng mga anak ay kabilang sa likas na gawi ng tao, habang ang isa pang aspekto ay na isa itong parte ng responsabilidad ng tao. Nagpapasya kang mag-anak dahil sa likas na gawi at responsabilidad, hindi para maghanda sa iyong pagtanda at para maalagaan ka kapag matanda ka na. Hindi ba’t tama ang pananaw na ito? (Oo.) Maiiwasan ba ng mga taong walang anak ang pagtanda? Talaga bang nangangahulugan na magiging miserable ang isang tao sa pagtanda? Hindi naman palagi, hindi ba? Maaari pa ring mabuhay hanggang sa katandaan ang mga taong walang anak, at ang ilan pa nga ay malusog, masaya sa kanilang mga huling taon sa buhay, at mapayapang pumapanaw. Tiyak bang magtatamasa ng kaligayahan at kalusugan sa kanilang mga huling taon sa buhay ang mga taong may anak? (Hindi naman palagi.) Kung gayon, ang kalusugan, kaligayahan, at sitwasyon sa pamumuhay ng mga magulang na nasa katandaan na, pati na rin ang kalidad ng kanilang materyal na buhay, ay wala talagang gaanong kinalaman sa pagiging mabuting anak sa kanila ng kanilang mga anak, at walang direktang kaugnayan sa pagitan ng dalawa. Ang iyong sitwasyon sa pamumuhay, kalidad ng buhay, at pisikal na kondisyon sa pagtanda ay may kaugnayan sa kung ano ang inorden ng Diyos para sa iyo at sa kapaligirang isinasaayos Niyang pamuhayan mo, at walang direktang kaugnayan ang mga ito sa kung mabuting anak ba ang iyong mga anak o hindi. Hindi obligasyon ng iyong mga anak na pasanin ang responsabilidad para sa iyong sitwasyon sa pamumuhay sa iyong katandaan. Hindi ba’t tama iyon? (Oo.) Kaya, anuman ang saloobin ng mga anak sa kanilang mga magulang, kung sila man ay handang alagaan ang mga ito, pabasta-bastang inaalagaan ang mga ito, o talagang ayaw na alagaan ang mga ito, ito ay saloobin nila bilang mga anak. Isantabi muna natin sa ngayon ang pagsasalita mula sa perspektiba ng mga anak, bagkus ay magsalita tayo mula lamang sa perspektiba ng mga magulang. Hindi dapat hingin ng mga magulang na ang kanilang mga anak ay dapat maging mabuting anak, alagaan sila sa kanilang pagtanda, at pasanin ang pagsuporta sa kanila pagtanda nila—hindi ito kinakailangang gawin. Sa isang aspekto, ito ay isang saloobin na dapat mayroon ang mga magulang sa kanilang mga anak, at sa isa pang aspekto, ito ang dignidad na dapat taglayin ng mga magulang. Siyempre, mayroon ding mas mahalagang aspekto: Ito ang prinsipyo na dapat sundin ng mga magulang bilang mga nilikha pagdating sa pagtrato sa kanilang mga anak. Kung ang mga anak mo ay maasikaso, mabubuting anak, at handang alagaan ka, hindi mo sila kailangang tanggihan; kung ayaw naman nilang gawin ito, hindi mo kailangang magreklamo o dumaing buong araw, hindi ka dapat mabalisa o madismaya sa puso mo, o magtanim ng sama ng loob sa iyong mga anak. Dapat kang umako ng responsabilidad at dalhin ang pasanin para sa sarili mong buhay at pananatiling buhay hangga’t kaya mo, at hindi mo ito dapat ipasa sa iba, lalo na sa iyong mga anak. Dapat mong maagap at wastong harapin ang buhay na hindi kasama ang iyong mga anak at wala ang tulong nila, at kahit malayo ka pa sa mga anak mo, kaya mo pa ring haraping mag-isa ang anumang idinudulot sa iyo ng buhay. Siyempre, kung nangangailangan ka ng napakahalagang tulong mula sa iyong mga anak, maaari mo itong hingin sa kanila, ngunit hindi ito dapat nakabatay sa ideya na kailangang maging mabuting anak sa iyo ang iyong mga anak o na kailangan mong umasa sa kanila. Sa halip, dapat na harapin ng magkabilang panig ang paggawa ng mga bagay-bagay para sa isa’t isa mula sa perspektiba ng pagtupad ng kanilang mga responsabilidad, upang makatwirang mapangasiwaan ang ugnayan ng magulang at anak. Siyempre, kung ang magkabilang panig ay makatwiran, binibigyan ng kalayaan ang isa’t isa, at nirerespeto ang isa’t isa, sa huli, sila ay tiyak na mas matiwasay at mas maayos na magkakasundo, pahahalagahan ang pagmamahalang ito ng pamilya, at pahahalagahan ang kanilang pag-aaruga, pagmamalasakit, at pagmamahal sa isa’t isa. Siyempre, ang paggawa sa mga bagay na ito nang batay sa respeto at pag-unawa sa isa’t isa ay mas makatao at nararapat. Hindi ba’t totoo iyon? (Oo.) Kapag nagagawang harapin at isakatuparan nang tama ng mga anak ang kanilang mga responsabilidad, at bilang magulang nila ay hindi ka na humihingi sa iyong mga anak ng anumang labis-labis o hindi kinakailangan, makikita mo na ang lahat ng ginagawa nila ay natural at normal lang, at iisipin mo na magandang bagay ito. Hindi mo na sila tatratuhin nang mapanuri tulad ng dati, kung saan sa tingin mo ay hindi kanais-nais, mali, o hindi sapat ang anumang ginagawa nila para mabayaran ang pagkakautang nila sa pagpapalaki sa kanila. Sa halip, haharapin mo ang lahat ng bagay nang may tamang saloobin, magpapasalamat ka sa Diyos dahil nakasama mo ang iyong mga anak at naging mabuting anak sila sa iyo, at iisipin mong disente naman ang iyong mga anak, at na sila ay makatao. Kahit pa hindi ka samahan ng iyong mga anak at hindi sila maging mabuting anak sa iyo, hindi mo sisisihin ang Diyos, at hindi mo rin pagsisisihan ang pagpapalaki mo sa kanila, at lalo nang hindi mo sila kamumuhian. Sa madaling salita, napakahalaga para sa mga magulang na harapin nang tama ang anumang saloobin ng kanilang mga anak patungkol sa kanilang sarili. Ang tamang pagharap dito ay nangangahulugan ng hindi paghingi ng anumang labis-labis sa kanilang mga anak, hindi pag-asal nang sobra-sobra sa mga ito, at lalong hindi pagbibigay ng anumang hindi makatao o negatibong pagpuna o mga panghuhusga sa anumang ginagawa ng mga ito. Sa ganoong paraan, magsisimula kang mamuhay nang may dignidad. Bilang magulang, ayon sa sarili mong abilidad, mga kondisyon, at siyempre, ayon sa ordinasyon ng Diyos, dapat mong tamasahin ang anumang ibinibigay sa iyo ng Diyos, at kung wala Siyang ibinibigay sa iyo, dapat ka ring magpasalamat sa Diyos at magpasakop sa Kanya. Hindi mo dapat ikumpara ang iyong sarili sa iba, sabihing “Tingnan mo ang pamilya ni kuwan, napakabuti ng kanilang anak, palagi niyang ipinapasyal ang kanyang mga magulang at nagbabakasyon sila sa timog. Sa tuwing umuuwi sila, andami nilang bag na iba’t iba ang laki. Napakabuti ng anak nila! Tingnan mo ang anak nila, isa siyang taong maaasahan nila. Kailangan mong magpalaki ng ganoong anak para may mag-aalaga sa iyo sa pagtanda mo. Ngayon, tingnan mo ang anak namin: Umuuwi siya nang walang dalang kahit ano at hindi niya kami binibilhan kailanman ng kahit anong bagay; bukod sa wala siyang dala, madalang pa nga siyang umuwi. Kung hindi ko siya tatawagan, hindi siya uuwi. Pero kapag nakauwi na siya, ang gusto lang niya ay pagkain at inumin, at ayaw man lang niyang magtrabaho.” Dahil ganoon ang nangyayari, huwag mo na lang siyang tawagan para umuwi. Kung tatawagan mo siya para umuwi, hindi ba’t hinihiling mo lang na maging miserable? Alam mo naman na kung uuwi siya, kakain at iinom lang siya nang libre, kaya bakit mo pa siya tatawagan? Kung wala kang anumang motibo para gawin ito, tatawagan mo pa ba siya para umuwi? Hindi ba’t ito ay dahil lang sa nagpapakababa ka at nagiging makasarili? Gusto mong palaging umasa sa kanya, umaasa kang hindi nasayang ang pagpapalaki mo sa kanya, umaasa ka na ang anak na pinalaki mo mismo ay hindi isang walang-pusong ingrata. Gusto mong palaging patunayan na ang anak na pinalaki mo ay hindi isang walang-pusong ingrata, na siya ay isang mabuting anak. Ano ba ang silbi na patunayan ito? Hindi mo ba kayang ipamuhay nang maayos ang sarili mong buhay? Hindi mo ba kayang mabuhay nang walang anak? (Kaya.) Kaya mong patuloy na mabuhay. Napakaraming halimbawa na tulad nito, hindi ba?
Ang ilang tao ay kumakapit sa isang bulok at makalumang kuru-kuro, sinasabing, “Hindi mahalaga kung ang mga tao ay nag-aanak ba para maging mabuting anak ang mga ito sa kanila at kung mabuti ba sa kanila ang kanilang mga anak habang buhay pa sila, ngunit kapag namatay sila, dapat silang ihatid ng kanilang mga anak sa kabaong. Kung wala sa kanilang tabi ang kanilang mga anak, walang makakaalam kapag namatay sila, at mabubulok ang katawan nila sa kanilang bahay.” Ano naman kung walang makaalam? Kapag namatay ka, patay ka na, at hindi mo na namamalayan ang anumang bagay. Kapag patay na ang iyong katawan, agad itong nililisan ng iyong kaluluwa. Saan man naroroon ang katawan o anuman ang hitsura nito pagkatapos mamatay, hindi ba’t patay na talaga ito? Kahit nasa kabaong pa ito sa isang marangyang libingan at ilibing sa lupa, mabubulok pa rin ang katawang ito, hindi ba? Iniisip ng mga tao, “Ang pagkakaroon ng mga anak sa tabi mo para ilagay ka sa kabaong, para suutan ka ng kasuotang panglibing, para lagyan ka ng makeup, at maghanda ng isang marangyang libingan ay isang dakilang bagay. Kung mamamatay ka nang walang sinumang maghahanda ng iyong libing o maghahatid sa iyo sa libingan, para bang ang buong buhay mo ay hindi nagkaroon ng wastong pagwawakas.” Tama ba ang ideyang ito? (Hindi.) Sa panahon ngayon, hindi na masyadong binibigyang-pansin ng mga kabataan ang mga ganitong bagay, pero mayroon pa ring mga tao sa mga liblib na lugar at mga nakatatanda na makitid ang pang-unawa, na nagtataglay ng kaisipan at pananaw na malalim na nakatanim sa kanilang puso—na dapat alagaan ng mga anak ang kanilang mga magulang pagtanda ng mga ito at ihatid ang mga ito sa libingan. Gaano ka man magbahagi tungkol sa katotohanan, hindi nila ito tinatanggap—ano ang huling kahihinatnan nito? Ang kahihinatnan ay lubos silang magdurusa. Matagal nang nakatago sa loob nila ang tumor na ito, at lalasunin sila nito. Kung huhukayin nila ito at tatanggalin, hindi na sila malalason nito, at magiging malaya na ang kanilang buhay. Ang anumang maling pagkilos ay dulot ng mga maling kaisipan. Kung natatakot silang mamatay at mabulok sa kanilang bahay, palagi nilang iisipin na, “Kailangan kong magkaroon ng anak. Paglaki ng anak ko, hindi ko siya pwedeng hayaang masyadong lumayo. Paano kung wala siya sa tabi ko kapag namatay ako? Kung walang mag-aalaga sa akin sa pagtanda ko o maghahatid sa akin sa libingan, iyon ang magiging pinakamalaking pagsisisi ko sa buhay! Kung mayroong gagawa nito para sa akin, hindi magiging walang saysay ang buhay ko. Magiging isang perpektong buhay ito. Anuman ang mangyari, hindi pwedeng pagtawanan lang ako ng mga kapitbahay ko.” Hindi ba’t isa itong bulok na ideolohiya? (Oo, ganoon na nga.) Ito ay makitid na pag-iisip at kababaang-uri, masyado nitong binibigyang-importansiya ang pisikal na katawan! Ang totoo, ang pisikal na katawan ay walang halaga: Pagkatapos maranasan ang kapanganakan, katandaan, karamdaman, at kamatayan, wala nang natitira. Kapag nakamit ng mga tao ang katotohanan habang nabubuhay sila, kapag sila ay naligtas, ay saka lang sila mabubuhay magpakailanman. Kung hindi mo nakamit ang katotohanan, kapag namatay at naaagnas na ang katawan mo, wala nang matitira; kahit gaano pa kabuti sa iyo ang mga anak mo, hindi mo na ito matatamasa. Kapag namatay ang isang tao at inilibing siya ng kanyang mga anak nang nasa isang kabaong, may mararamdaman bang anuman ang lumang katawang iyon? Mapapansin ba nito ang anumang bagay? (Hindi.) Wala itong anumang pandama. Pero sa buhay, masyadong binibigyang-importansiya ng mga tao ang usaping ito, malaki ang hinihingi nila mula sa kanilang mga anak pagdating sa kung maihahatid ba sila ng mga ito sa libingan—na isang kahangalan, hindi ba? (Oo.) Sinasabi ng ibang anak sa kanilang mga magulang na, “Nananampalataya kami sa Diyos. Habang buhay pa kayo, magiging mabuting anak kami sa iyo, aalagaan ka namin, at pagsisilbihan ka namin. Pero kapag namatay ka na, hindi kami maghahanda ng libing mo.” Kapag narinig ito ng mga magulang, nagagalit sila. Hindi sila nagagalit sa anumang ibang bagay na sabihin mo, pero sa sandaling banggitin mo ito, sumasabog sila, sinasabing, “Ano ang sinabi mo? Ikaw na walang galang, babaliin ko ang mga binti mo! Mas mabuti pa sana kung hindi kita ipinanganak—papatayin kita!” Hindi sila nababagabag sa anumang ibang sabihin mo, dito lang. Sa buong buhay nila, nagkaroon ng maraming pagkakataon ang kanilang mga anak para tratuhin sila nang maayos, pero iginiit nilang ihatid sila ng mga ito sa libingan. Dahil nagsimula nang manampalataya sa Diyos ang kanilang mga anak, sinabi ng mga ito sa kanila, “Kapag namatay ka, hindi kami magdaraos ng seremonya para sa iyo: Ipapa-cremate ka namin at maghahanap kami ng lugar na paglalagyan noong lalagyan ng abo. Habang buhay ka pa, hahayaan ka naming tamasahin ang aming presensiya, at bibigyan ka namin ng pagkain at damit, at hindi ka namin hahayaang maagrabyado.” Hindi ba’t makatotohanan ito? Ang sagot ng mga magulang, “Walang halaga ang mga iyan. Ang gusto ko ay maghanda kayo ng libing para sa akin kapag namatay na ako. Kung hindi mo ako aalagaan sa aking pagtanda at ihahatid sa libingan, hindi ko ito palalampasin!” Kapag ganito kahangal ang isang tao, hindi niya kayang maintindihan ang ganoon kasimpleng pangangatwiran, at gaano mo man iyon ipaliwanag sa kanya, hindi pa rin niya kayang makaunawa—para siyang isang hayop. Kaya, kung hinahangad mo ang katotohanan, bilang magulang, unang-una ay dapat mong bitiwan ang mga tradisyonal, bulok, at mababang-uring kaisipan at pananaw tungkol sa kung ang mga anak mo ba ay mabuting anak, kung aalagaan ka ba nila sa iyong pagtanda, at kung ihahatid ka ba nila sa libingan, at dapat mong harapin nang tama ang usaping ito. Kung talagang mabuti sa iyo ang iyong mga anak, tanggapin mo ito sa wastong paraan. Pero kung wala sa iyong mga anak ang mga kondisyon, enerhiya, o pagnanais na maging mabuting anak sa iyo, at pagtanda mo ay hindi ka nila maalagaan sa tabi mo o maihatid sa iyong libingan, hindi mo kailangang hingin ito o maging malungkot. Ang lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Diyos. May oras para sa kapanganakan, may lugar para sa kamatayan, at inorden ng Diyos kung saan isisilang ang mga tao at kung saan sila mamamatay. Kahit pa pangakuan ka ng iyong mga anak ng anumang bagay, sabihing, “Kapag namatay ka, siguradong naroroon ako sa tabi mo; hinding-hindi kita bibiguin,” hindi pinamatnugutan ng Diyos ang mga ganitong sitwasyon. Kapag malapit ka nang mamatay, maaaring wala sa tabi mo ang iyong mga anak, at kahit gaano sila magsikap na makauwi agad, maaaring hindi na sila umabot—hindi ka nila makikita sa huling pagkakataon. Maaaring tatlo hanggang limang araw na mula sa iyong huling hininga, at nabubulok na ang iyong katawaan, at saka lang sila makakauwi. May silbi pa ba ang kanilang mga pangako? Ni hindi nila magawang maging panginoon ng sarili nilang buhay. Sinabi Ko na ito sa iyo, pero hindi ka lang naniniwala. Iginigiit mo na mangako sila. May silbi ba ang kanilang mga pangako? Pinalulugod mo lang ang iyong sarili gamit ang mga ilusyon, at iniisip mo na kayang panindigan ng mga anak mo ang kanilang mga pangako. Sa tingin mo ba talaga ay kaya nila? Hindi nila kaya. Bawat araw, kung saan sila pupunta at ano ang gagawin nila, pati na rin ang kinabukasan nila—sila mismo ay hindi alam ang mga ito. Sa totoo lang, nagsisilbing panlilinlang sa iyo ang kanilang mga pangako, binibigyan ka nito ng huwad na kapanatagan, at pinaniniwalaan mo ang mga ito. Hindi mo pa rin maarok na nasa mga kamay ng Diyos ang kapalaran ng isang tao.
Kung gaano katagal na itinadhanang magkasama ang mga magulang at ang kanilang mga anak, at kung gaano karami ang makakamit nila mula sa kanilang mga anak—tinatawag ito ng mga hindi mananampalataya na “pagtanggap ng tulong” o “hindi pagtanggap ng tulong.” Hindi natin alam kung ano ang ibig sabihin nito. Sa huli, kung makakaasa ba ang isang tao sa kanyang mga anak, sa simpleng pananalita, ay pauna nang itinakda at inorden ng Diyos. Hindi naman sa para bang ang lahat ng bagay ay nagaganap nang ayon mismo sa nais mo. Siyempre, gusto ng lahat na maging maayos ang mga bagay-bagay at makinabang sila mula sa kanilang mga anak. Pero bakit hindi mo kailanman inisip kung nakatadhana ka ba para doon, kung nakasulat ba ito sa iyong tadhana? Kung hanggang kailan magtatagal ang ugnayan ninyo ng mga anak mo, kung magkakaroon ba ng koneksiyon sa iyong mga anak ang anumang trabahong gawin mo sa buhay, kung isinaayos ba ng Diyos na makilahok sa mahahalagang pangyayari sa buhay mo ang mga anak mo, at kung makakasama ba ang mga anak mo kapag dumanas ka ng isang mahalagang pangyayari sa buhay—ang lahat ng ito ay nakasalalay sa ordinasyon ng Diyos. Kung hindi ito inorden ng Diyos, pagkatapos mong palakihin ang mga anak mo hanggang sa hustong gulang, kahit pa hindi mo sila paalisin sa bahay, pagdating ng panahon ay kusa silang aalis. Isa itong bagay na kailangang maunawaan ng mga tao. Kung hindi mo kayang maunawaan ang bagay na ito, palagi kang kakapit sa mga pansarili mong ninanasa at hinihingi, at magtatatag ka ng iba’t ibang panuntunan at tatanggap ng iba’t ibang ideolohiya alang-alang sa sarili mong pisikal na kasiyahan. Ano ang mangyayari sa huli? Matutuklasan mo kapag namatay ka na. Marami kang nagawang kahangalan sa buhay mo, at marami kang naisip na hindi makatotohanang bagay na hindi umaayon sa mga katunayan o sa ordinasyon ng Diyos. Hindi ba’t magiging masyado nang huli para mapagtanto ang lahat ng ito sa iyong huling sandali? Hindi ba’t totoo ito? (Oo.) Samantalahin mo na habang nabubuhay ka pa at hindi pa magulo ang utak mo, habang kaya mo pang makaunawa ng ilang positibong bagay, at kaagad na matanggap ang mga ito. Ang pagtanggap sa mga ito ay hindi nangangahulugang ginagawa mong ideolohikal na teorya o sawikain ang mga ito, kundi ay sinusubukan mong gawin ang mga bagay na ito at isagawa ang mga ito. Unti-unti mong bitiwan ang sarili mong mga ideya at mga makasariling ninanasa, at huwag mong isipin na, bilang isang magulang, ang anumang ginagawa mo ay tama at katanggap-tanggap, o na dapat itong tanggapin ng mga anak mo. Hindi umiiral ang ganitong uri ng pangangatwiran kahit saan sa mundo. Ang mga magulang ay tao—ang kanilang mga anak ba ay hindi tao? Ang mga anak ay hindi mo mga aksesorya o alipin; sila ay mga nilikhang nakapagsasarili—ano ang kinalaman sa iyo kung mabuti ba silang anak o hindi? Kaya, kahit anong uri ka ng magulang, kahit ilang taon na ang mga anak mo, o kung ang mga anak mo ay umabot na ba sa edad kung saan nagiging mabuting anak na sila sa iyo o sa edad na nakapagsasarili na sila sa pamumuhay, bilang magulang, dapat mong gamitin ang mga ideyang ito at itatag ang mga tamang kaisipan at pananaw ng pagtrato sa iyong mga anak. Hindi ka dapat umasta nang labis-labis, at hindi mo rin dapat sukatin ang lahat ayon sa mga mali, napakababa, o makalumang kaisipan at pananaw. Ang mga kaisipan at pananaw na iyon ay maaaring tumutugma sa mga kuru-kuro ng tao, mga interes ng tao, at sa mga pisikal at emosyonal na pangangailangan ng tao, ngunit ang mga iyon ay hindi ang katotohanan. Iniisip mo man na nararapat o hindi nararapat ang mga ito, ang mga bagay na ito ay magdudulot lamang ng iba’t ibang problema at pasanin sa iyo sa huli, magkukulong sa iyo sa iba’t ibang suliranin, at magtutulak sa iyong magpakita ng iyong pagkamainitin ng ulo sa iyong mga anak. Ipapahayag mo ang iyong pangangatwiran, ipapahayag nila ang kanila, at sa huli, pareho ninyong kamumuhian at sisisihin ang isa’t isa. Hindi na aakto bilang pamilya ang pamilya: Hindi na kayo magkakasundo at magiging magkaaway kayo. Kung tatanggapin ng lahat ang katotohanan at ang mga tamang kaisipan at pananaw, magiging madaling harapin ang mga usaping ito, at malulutas ang mga pagsasalungatan at alitan na nagmumula sa mga ito. Gayunpaman, kung igigiit nila ang mga tradisyonal na kuru-kuro, bukod sa hindi malulutas ang mga problemang ito, lalalim pa ang kanilang mga pagsasalungatan. Ang tradisyonal na kultura ay hindi isang pamantayan mismo sa pagsusuri sa mga usapin. May kinalaman ito sa pagkatao, at ang mga bagay na may kinalaman sa laman tulad ng pagmamahal ng mga tao, mga makasariling ninanasa, at ang pagkamainitin ng ulo ay sangkot din dito. Siyempre, mayroon ding isang bagay na pinakamahalaga sa tradisyonal na kultura, iyon ay ang pagpapaimbabaw. Ginagamit ng mga tao ang pagiging mabuting anak ng sarili nilang mga anak upang mapatunayan na tinuruan nila nang mabuti ang mga ito at na nagtataglay ang mga ito ng pagkatao; gayundin, ginagamit ng mga anak ang pagiging mabuting anak sa kanilang mga magulang upang patunayan na hindi sila mga taong walang utang na loob, kundi mga mapagpakumbaba at disenteng ginoo at binibini, at sa gayon ay nagkakaroon sila ng posisyon sa iba’t ibang lahi at grupo sa lipunan at ginagamit nila ito bilang kanilang paraan para mabuhay. Ito ang likas na pinakamapagpaimbabaw at pinakamahalagang aspekto sa loob ng tradisyonal na kultura, at hindi ito isang pamantayan sa pagsusuri ng mga bagay-bagay. Samakatuwid, pagdating sa mga magulang, dapat nilang bitiwan ang mga hinihingi nilang ito mula sa kanilang mga anak at gamitin ang mga tamang kaisipan at pananaw para tratuhin ang kanilang mga anak at tingnan ang mga saloobin ng kanilang mga anak sa kanilang sarili. Kung hindi mo taglay o nauunawaan ang katotohanan, kahit papaano man lang ay dapat mo itong tingnan mula sa perspektiba ng pagkatao. Paano ito titingnan ng isang tao mula sa perspektiba ng pagkatao? Hindi madali ang buhay ng mga anak na namumuhay sa lipunang ito, sa iba’t ibang grupo, posisyon sa trabaho, at antas sa lipunan. May mga bagay na kinakailangan nilang harapin at asikasuhin sa iba’t ibang kapaligiran. Mayroon silang sarili nilang buhay at isang tadhanang itinakda ng Diyos. Mayroon din silang sarili nilang mga pamamaraan para mabuhay. Siyempre, sa modernong lipunan, napakatindi ng mga kagipitang ipinapataw sa sinumang taong nakapagsasarili. Nahaharap siya sa mga problemang may kinalaman sa pananatiling buhay, ugnayan sa pagitan ng mga nakatataas at mas mababa, at mga problemang may kinalaman sa mga anak, at iba pa—matindi ang panggigipit ng lahat ng ito. Para naman maging patas, hindi ito madali para kaninuman. Lalo na sa magulo at mabilisang takbo ng pamumuhay ngayon, na puno ng kompetisyon at madugong labanan kahit saan, hindi madali ang buhay ninuman—sa halip, mahirap ang buhay ng bawat isa. Hindi Ko na tatalakayin kung paano ito nangyari. Sa pamumuhay sa ganitong kapaligiran, kung ang isang tao ay hindi nananampalataya sa Diyos at hindi gumaganap ng kanyang tungkulin, wala na siyang landas na tatahakin. Ang tanging landas niya ay ang hangarin ang mundo, panatilihing buhay ang kanyang sarili, patuloy na makibagay sa mundong ito, at makipaglaban para sa kanyang kinabukasan at pananatiling buhay anuman ang mangyari para lang mairaos niya ang bawat araw. Sa katunayan, masakit para sa kanya ang bawat araw, at nahihirapan siya araw-araw. Samakatuwid, kung bukod dito ay hihingin pa ng mga magulang sa kanilang mga anak na gawin ang ganito at ganyan, walang dudang palalalain lang nito ang sitwasyon, sisirain at pahihirapan ang kanilang katawan at isipan. Ang mga magulang ay may sarili nilang mga samahan sa lipunan, pamumuhay, at kapaligiran sa pamumuhay, at mayroon ding sarili nilang kapaligiran at lugar sa pamumuhay ang mga anak, pati na rin sitwasyon sa buhay. Kung masyadong makikialam ang mga magulang o labis-labis silang hihingi sa kanilang mga anak, hihilingin sa mga ito na gawin ang ganito at ganyan para sa kanila upang mabayaran ang mga pagsisikap nila noon alang-alang sa kanilang mga anak; kung titingnan mo ito mula sa perspektibang ito, labis itong hindi makatao, hindi ba? Paano man namumuhay o nananatiling buhay ang kanilang mga anak, o anuman ang mga suliraning kinakaharap ng mga ito sa lipunan, walang responsabilidad o obligasyon ang mga magulang na gumawa ng anuman para sa kanila. Kaya, dapat ding iwasan ng mga magulang na dumagdag ng anumang problema o pasanin sa komplikadong buhay o mahirap na sitwasyon sa pamumuhay ng kanilang mga anak. Ito ang dapat gawin ng mga magulang. Huwag kang masyadong humingi sa iyong mga anak, at huwag mo silang masyadong sisihin. Dapat mo silang tratuhin nang makatarungan at patas, at dapat mong isaalang-alang ang kanilang sitwasyon nang may pang-unawa. Siyempre, dapat ding pangasiwaan ng mga magulang ang sarili nilang buhay. Rerespetuhin ng mga anak ang mga ganitong magulang, at magiging karapat-dapat respetuhin ang mga ito. Bilang magulang, kung nananampalataya ka sa Diyos at ginagawa mo ang iyong mga tungkulin, anumang tungkulin ang ginagawa mo sa sambahayan ng Diyos, hindi ka magkakaroon ng oras na isipin ang mga bagay tulad ng paghinging maging mabuting anak ang mga anak mo o pagsandal sa kanila para suportahan ka sa iyong pagtanda. Kung mayroon pa ring mga taong ganito, hindi sila mga tunay na mananampalataya, at lalong hindi sila mga naghahangad sa katotohanan. Sila ay pawang mga taongmagugulo lang ang isip at mga hindi mananampalataya. Hindi ba’t totoo iyon? (Oo.) Kung abala ang mga magulang, kung mayroon silang mga tungkuling gagawin at abala sila sa gawain, lalong hindi nila dapat banggitin kung ang kanilang mga anak ay mabuting anak ba o hindi. Kung palagi itong binabanggit ng mga magulang, sinasabing “Hindi mabuting anak ang mga anak ko: hindi ko sila maaasahan, at hindi nila ako masusuportahan sa aking pagtanda,” sadyang tamad at nakatunganga lang sila, naghahanap ng gulo nang walang dahilan. Hindi ba’t ganoon ang nangyayari? Ano ang dapat ninyong gawin kung makakatagpo kayo ng mga magulang na ganito? Turuan sila ng aral. Paano ninyo ito dapat gawin? Sabihin lang ninyo na, “Hindi mo ba kayang mabuhay nang mag-isa? Nasa punto ka na ba na hindi mo na kayang kumain o uminom? Hindi mo na ba kayang mabuhay? Kung kaya mo pang mabuhay, eh di mabuhay ka; kung hindi naman, eh di mamatay ka!” Naglalakas-loob ba kayong magsabi ng ganito? Sabihin ninyo sa Akin, hindi ba makatao na sabihin ito? (Hindi ako naglalakas-loob na sabihin iyan.) Hindi mo ito magawang sabihin, hindi ba? Hindi mo ito kayang sabihin. (Tama Ka.) Kapag medyo mas tumanda na kayo, magagawa na ninyo itong sabihin. Kung ang mga magulang ninyo ay nakagawa ng napakaraming nakagagalit na bagay, magagawa mo itong sabihin. Talagang naging mabuti sila sa iyo at hindi ka nila kailanman sinaktan; kung sakaling saktan ka nga nila, magagawa mo itong sabihin. Hindi ba’t ganoon iyon? (Oo.) Kung palagi nilang hinihinging umuwi ka, sinasabing, “Umuwi ka na at dalhan mo ako ng pera, walang utang na loob na anak!” at pinagagalitan at minumura ka nila araw-araw, magagawa mo itong sabihin. Sasabihin mo na, “Kung kaya mo pang mabuhay, eh di mabuhay ka; kung hindi naman, eh di mamatay ka! Hindi mo ba kayang mabuhay nang walang anak? Tingnan mo nga iyong matatandang walang anak, hindi ba’t maayos silang namumuhay at masaya naman sila? Inaasikaso nila ang sarili nilang buhay araw-araw, at kung may libreng oras sila, lumalabas sila para maglakad-lakad at nag-eehersisyo sila. Sa bawat araw, tila puno ng kasiyahan ang buhay nila. Tingnan mo ang sarili mo—walang kulang sa iyo, kaya bakit hindi mo kayang patuloy na mabuhay? Ibinababa mo ang iyong sarili at karapat-dapat kang mamatay! Dapat ba kaming maging mabuting anak sa iyo? Hindi mo kami alipin o pribadong pag-aari. Kailangan mong tahakin ang sarili mong landas, at hindi kami obligadong pasanin ang responsabilidad na ito. Binigyan ka na namin ng sapat na pagkain, damit, at gamit. Bakit ka nanggugulo? Kung patuloy kang manggugulo, ipapadala ka namin sa nursing home!” Ganito dapat harapin ang mga magulang na gaya nito, hindi ba? Hindi mo sila dapat palayawin. Kung wala ang kanilang mga anak para alagaan sila, umiiyak at humihikbi sila buong araw, na para bang pinagsakluban sila ng langit at lupa, na tila ba hindi na nila kaya pang mabuhay. Kung hindi na nila kaya pang mabuhay, hayaan mo silang mamatay at nang maranasan nila ito mismo—pero hindi sila mamamatay, masyado nilang pinahahalagahan ang kanilang buhay. Ang kanilang pilosopiya sa pamumuhay ay ang umasa sa iba para mamuhay nang mas maayos, mas malaya, at mas nasusunod. Kinakailangan nilang bumuo ng sarili nilang kaligayahan at kagalakan mula sa pagdurusa ng kanilang mga anak. Hindi ba’t dapat mamatay ang mga magulang na ito? (Oo.) Kung sinasamahan at pinaglilingkuran sila ng kanilang mga anak araw-araw, nakakaramdam sila ng kasiyahan, kagalakan, at pagmamalaki, samantalang kinakailangang magdusa ng kanilang mga anak at tanggapin ito. Hindi ba’t dapat mamatay ang mga magulang na ito? (Oo.)
Tapusin na natin dito ang ating pagbabahaginan ngayon hinggil sa huling paksa ng mga inaasahan ng mga magulang mula sa kanilang mga anak. Malinaw na ba ang usapin tungkol sa pagharap ng mga magulang sa kung ang kanilang mga anak ba ay mabuting anak, maaasahan, aalagaan sila sa kanilang pagtanda, at ihahatid sila sa libingan? (Oo.) Bilang magulang, hindi ka dapat magkaroon ng mga gayong hinihingi, kaisipan at pananaw, o inaasam sa iyong mga anak. Walang anumang pagkakautang sa iyo ang mga anak mo. Responsabilidad mo na palakihin sila; kung ginagawa mo ba ito nang maayos o hindi ay ibang usapan na. Wala silang anumang pagkakautang sa iyo: Mabait sila sa iyo at inaalagaan ka nila nang ganap na dahil sa pagtupad ng responsabilidad, hindi para magbayad ng anumang pagkakautang, dahil wala naman silang pagkakautang sa iyo. Kaya, hindi sila obligadong maging mabuting anak sa iyo o maging isang taong masasandalan at maaasahan mo. Naiintindihan mo ba? (Oo.) Inaalagaan ka nila, maaasahan mo sila, at binibigyan ka nila ng kaunting perang magagastos—responsabilidad lamang nila ito bilang mga anak, hindi ito pagiging mabuting anak. Binanggit natin noong huli ang talinghaga tungkol sa mga uwak na nagpapakain sa kanilang mga magulang at ang mga tupang lumuluhod para makahigop ng gatas. Kahit ang mga hayop ay naiintindihan ang doktrinang ito at naisasakatuparan ito, siyempre ang mga tao rin dapat! Ang mga tao ang pinakamataas na nilikha sa lahat ng buhay na nilalang, nilikha sila ng Diyos nang may mga kaisipan, pagkatao, at mga damdamin. Bilang mga tao, nauunawaan nila ito nang hindi kinakailangang turuan. Kung ang mga anak ay kaya bang maging mabuting anak o hindi ay lubos na nakasalalay sa kung inorden ba ng Diyos ang isang tadhana sa pagitan ninyong dalawa, kung magkakaroon ba ng isang ugnayan sa pagitan ninyong dalawa na kumukompleto at sumusuporta sa isa’t isa, at kung matatamasa mo ba ang pagpapalang ito; higit pa rito, nakasalalay ito sa kung nagtataglay ba ang iyong mga anak ng pagkatao. Kung tunay silang nagtataglay ng konsensiya at katwiran, hindi mo sila kailangang turuan—mauunawaan nila ito mula sa murang edad. Kung nauunawaan nila ito mula sa murang edad, hindi ba’t mas marami pa silang mauunawaan habang sila ay lumalaki? Hindi ba’t ganoon? (Oo.) Mula sa murang edad, nauunawaan na nila ang mga doktrinang tulad ng “Ang kumita ng pera para gastusin sa mga magulang ay ang ginagawa ng mababait na anak,” kaya, hindi ba’t mas mauunawaan pa nila ito paglaki nila? Kailangan pa ba silang turuan? Kinakailangan pa bang ituro sa kanila ng kanilang mga magulang ang mga gayong ideolohikal na leksiyon? Hindi na kailangan. Samakatuwid, isang hangal na pagkilos na hingin ng mga magulang na ang kanilang mga anak ay maging mabuting anak, alagaan sila sa kanilang pagtanda, at ihatid sila sa libingan. Hindi ba tao ang mga anak na isinisilang mo? Sila ba ay mga puno o mga plastik na bulaklak? Hindi ba talaga sila nakakaunawa, kinakailangan mo pa ba talagang turuan sila? Kahit ang mga aso ay nauunawaan ito. Tingnan mo, kapag kasama ng dalawang tuta ang kanilang ina, kung magsisimulang tumakbo ang ibang aso patungo sa kanilang ina at tatahulan ito, hindi nila ito hahayaan: Poprotektahan nila ang kanilang ina mula sa likod ng bakod at hindi nila hahayaang tahulan ng ibang aso ang kanilang ina. Kahit ang mga aso ay naiintindihan ito, siyempre ganoon din dapat ang mga tao! Hindi na kinakailangang turuan pa sila: Ang pagtupad sa mga responsabilidad ay isang bagay na kayang gawin ng mga tao, at hindi kailangang ikintal ng mga magulang ang mga gayong kaisipan sa kanilang mga anak—gagawin nila ito nang kusa. Kung hindi sila nagtataglay ng pagkatao, kahit nasa tamang mga kondisyon ay hindi nila ito gagawin; kung nagtataglay sila ng pagkatao at tama ang mga kondisyon, likas nila itong gagawin. Samakatuwid, hindi kailangang hingan, diktahan, o sisihin ng mga magulang ang kanilang mga anak hinggil sa kung sila ba ay mabuting anak o hindi. Ang lahat ng ito ay hindi kinakailangan. Kung natatamasa mo ang pagiging mabuting anak ng iyong mga anak, ito ay maituturing na isang pagpapala. Kung hindi mo ito natatamasa, hindi ito maituturing na kawalan mo. Ang lahat ng bagay ay inorden ng Diyos, hindi ba? Sige, tapusin na natin dito ang ating pagbabahaginan para sa araw na ito. Paalam!
Mayo 27, 2023