Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 18
Naganap ang isang malubhang insidente ilang araw na ang nakalilipas, kung saan ginugulo ng mga anticristo ang gawain ng pagpapalawig ng ebanghelyo. Alam ba ninyong lahat ang tungkol dito? (Oo.) Matapos mangyari ang insidenteng ito, nagsimula ang muling pagsasaayos ng gawain ng ebanghelyo sa sambahayan ng Diyos, at ang ilang tao ay naitalaga sa ibang gawain o nailipat, at ang ilang bagay na may kaugnayan sa gawain ay inayos din, tama ba? (Oo.) Ang ganitong uri ng malaking pangyayari ay naganap sa sambahayan ng Diyos at lumitaw ang mga anticristo sa paligid ninyo—natuto na ba kayo ng ilang aral mula sa pagharap sa ganito kahalagang pangyayari? Hinanap ba ninyo ang katotohanan? Nakita ba ninyo ang diwa ng ilang problema, at nakakuha ba kayo ng ilang aral mula sa ganito kalaking pangyayari? Kapag may nangyayari, hindi ba’t karamihan sa mga tao ay nakakakuha lamang ng kaunting aral mula rito, at nakakaunawa ng kaunting doktrina, nang hindi sinisiyasat ang diwa nito, at hindi natututo kung paano tingnan ang mga tao at bagay, at umasal at kumilos ayon sa katotohanan? May ilang tao na nagninilay-nilay lamang ayon sa sarili nilang pag-iisip at mga pagsusuri kahit ano man ang mangyari sa kanila. Lubos silang kulang sa mga katotohanang prinsipyo, at kulang din sila sa katalinuhan at karunungan. Nagbubuod lang sila ng ilang aral, at pagkatapos, gumagawa sila ng isang pagpapasya: “Kapag nangyaring muli ang mga bagay na ito sa hinaharap, kailangan kong mag-ingat at bigyang-pansin ang mga bagay na hindi ko maaaring sabihin, ang mga bagay na hindi ko maaaring gawin, pati na rin sa kung anong uri ng mga tao ako dapat na maging mapagbantay, at kung anong uri ng mga tao ang dapat kong panatilihing malapit sa akin.” Maituturing ba ito na pagkatuto ng aral at pagkakaroon ng karanasan? (Hindi.) Kaya, kapag nangyari ang mga bagay na tulad nito, malaki o maliit man na mga pangyayari ang mga ito, paano dapat danasin, harapin, at malalim na pasukin ng mga tao ang mga ito upang matuto sila ng mga aral, at maunawaan ang ilang katotohanan at lumago sa tayog habang nahaharap sa mga kapaligirang ito? Karamihan sa mga tao ay hindi nagninilay-nilay sa mga bagay na ito, tama ba? (Tama.) Kung hindi nila pinagninilayan ang mga bagay na ito, sila ba ay mga taong naghahanap sa katotohanan? Sila ba ay mga taong naghahangad sa katotohanan? (Hindi.) Sa tingin ba ninyo, kayo ay isang taong naghahangad sa katotohanan? Sa batayan ng aling mga bagay ninyo pinaniniwalaan na hindi kayo isang taong naghahangad sa katotohanan? At batay sa aling mga bagay ninyo paminsan-minsang iniisip na kayo ay isang taong naghahangad sa katotohanan? Kapag nagtitiis kayo ng kaunting paghihirap at nagbabayad ng kaunting halaga sa inyong tungkulin, at paminsan-minsan ay mas seryoso sa inyong gawain, o nag-aambag ng kaunting pera, o tinatalikuran ang inyong pamilya, nagbibitiw sa inyong trabaho, isinusuko ang inyong pag-aaral, at itinatakwil ang pag-aasawa upang gugulin ang inyong sarili para sa Diyos, o umiiwas sa pagsunod sa mga makamundong kalakaran, o umiiwas sa masasamang taong nakakatagpo ninyo, at iba pa—kapag nagagawa ninyo ang mga bagay na ito, nararamdaman ba ninyo na kayo ay isang taong naghahangad sa katotohanan at isang tunay na mananampalataya? Hindi ba’t iyon ang iniisip ninyo? (Oo.) Ngayon, sa anong batayan ninyo iniisip ito? Nakabatay ba ito sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan? (Hindi.) Ito ay isang ilusyon lang; sariling opinyon lamang ninyo ito. Kapag paminsan-minsan ninyong sinusunod ang ilang panuntunan at ginagawa ang mga bagay nang naaayon sa mga nakasanayang proseso, at nagtataglay kayo ng ilang pagpapamalas ng mabuting pagkatao, kapag nagagawa ninyong maging matiisin at mapagparaya, kapag sa panlabas kayo ay mapagpakumbaba, mababang-loob, hindi mapagpanggap, at hindi mayabang, at kapag mayroon kayong kaunting responsableng pagpapasya o pag-iisip sa gawain ng sambahayan ng Diyos, iniisip ninyo na talagang hinangad ninyo ang katotohanan at kayo ay tunay na isang taong naghahangad sa katotohanan. Kaya, ang mga pagpapamalas ba na ito ang bumubuo sa paghahangad sa katotohanan? (Hindi.) Upang maging malinaw, ang mga panlabas na kilos, pag-uugali, at pagpapamalas na ito ay hindi ang paghahangad sa katotohanan. Kaya, bakit palaging iniisip ng mga tao na ang mga pagpapamalas na ito ang paghahangad sa katotohanan? Bakit palagi nilang iniisip na sila ay mga taong naghahangad sa katotohanan? (Sa kanilang mga kuru-kuro, iniisip ng mga tao na kung magsisikap at gugugol sila nang kaunti, ang mga ito ay mga pagpapamalas ng paghahangad sa katotohanan. Kaya, kapag nagbabayad sila ng kaunting halaga o nagdurusa nang kaunti sa kanilang mga tungkulin, iniisip nila na sila ay mga taong naghahangad sa katotohanan, ngunit hindi nila kailanman hinanap dati kung ano ang sinasabi ng salita ng Diyos tungkol sa usaping ito, o kung paano hinuhusgahan ng Diyos kung ang isang tao ay naghahangad sa katotohanan. Dahil dito, palagi silang namumuhay sa gitna ng kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon, iniisip na sila ay dakila.) Hindi kailanman binibitiwan ng mga tao ang kanilang mga kuru-kuro, at pagdating sa mahalagang usapin ng pagtukoy kung sila ay mga taong naghahangad sa katotohanan, palagi silang umaasa sa kanilang sariling mga kuru-kuro at imahinasyon, at sa kanilang ilusyon Bakit sila kumikilos nang ganito? Hindi ba’t ito ay dahil panatag sila kapag nag-iisip at kumikilos sila sa ganitong paraan, naniniwalang hindi talaga nila kailangang magbayad ng halaga para hangarin ang katotohanan, at na maaari pa rin silang makatanggap ng mga pakinabang at pagpapala sa huli? May isa pang dahilan, na ang diumano’y mabubuting pag-uugali ng mga tao, tulad ng kanilang mga pagtalikod, pagdurusa, pagbabayad ng mga halaga, at iba pa, ay mga bagay na maaari nilang maisakatuparan at makamtan, tama ba? (Tama.) Madali para sa mga tao na talikuran ang kanilang mga pamilya at trabaho, ngunit hindi madali para sa kanila na tunay na hangarin ang katotohanan, isagawa ang katotohanan, o kumilos batay sa mga katotohanang prinsipyo, at hindi madali para sa kanila na makamit ang mga bagay na ito. Kahit na nauunawaan mo ang kaunting katotohanan, magiging napakahirap para sa iyo na maghimagsik laban sa sarili mong mga ideya, kuru-kuro, o tiwaling disposisyon, at magiging napakahirap para sa iyo na panghawakan ang mga katotohanang prinsipyo. Kung isa kang taong naghahangad sa katotohanan, bakit parang wala kang anumang pag-usad kaugnay sa iba’t ibang aspekto ng katotohanan sa loob ng ilang taon na nananampalataya ka sa Diyos? Nagbayad ka man ng halaga, o ano man ang iyong tinalikuran o inabandona, ang mga panghuling resultang nakamit mo ay ang mga nakamit ba sa pamamagitan ng paghahangad at pagsasagawa sa katotohanan? Gaano man karaming halaga ang binayaran mo, gaano ka man nagdusa, o gaano man karaming bagay ng laman ang tinalikuran mo, ano ang iyong natamo sa huli? Natamo mo ba ang katotohanan? Mayroon ka bang anumang nakamit kaugnay sa katotohanan? Umusad ka ba sa iyong buhay pagpasok? Nabago mo ba ang iyong mga tiwaling disposisyon? Nagtataglay ka ba ng tunay na pagpapasakop sa Diyos? Hindi natin pag-uusapan ang napakalalim na aral o pagsasagawa na gaya ng pagpapasakop sa Diyos, sa halip, pag-uusapan lang natin ang pinakasimpleng bagay. Tinalikuran mo ang lahat, nagdusa ka at nagbayad ng mga halaga sa loob ng napakaraming taon—mapapangalagaan mo ba ang mga interes ng sambahayan ng Diyos? Lalo na kapag ang mga anticristo at masamang tao ay gumagawa ng masasamang bagay para guluhin ang gawain ng iglesia, nagbubulag-bulagan ka ba, pinananatili ang mga interes ng masasamang taong iyon, at pinoprotektahan ang iyong sarili, o pumapanig ka ba sa Diyos, pinananatili ang mga interes ng Kanyang sambahayan? Nagsagawa ka ba ayon sa mga katotohanang prinsipyo? Kung hindi, walang ipinagkaiba kay Pablo ang iyong pagdurusa at ang mga halagang binayaran mo. Ginawa lamang ang mga ito para magkamit ng mga pagpapala, at ang lahat ng ito ay walang saysay. Pareho ang mga ito sa sinabi ni Pablo tungkol sa pagharap sa mga laban at pagtapos ng mga takbuhing dapat niyang tapusin, at sa huli ay nagtatamo ng mga pagpapala at ng isang gantimpala—wala talagang ipinagkaiba ang mga ito. Tinatahak mo ang landas ni Pablo; hindi mo hinahangad ang katotohanan. Iniisip mo na ang iyong mga pagtalikod, paggugol, pagdurusa, at mga halagang binayaran mo ay ang pagsasagawa sa katotohanan, kaya ilang katotohanan ang naunawaan mo sa mga nakalipas na taon? Ilang katotohanang realidad ang taglay mo? Sa ilang usapin mo napangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos? Sa ilang usapin ka pumanig sa katotohanan at sa Diyos? Sa iyong mga kilos, ilan doon ang umiwas ka sa paggawa ng masama o pagsunod sa sarili mong kagustuhan dahil mayroon kang may-takot-sa-Diyos na puso? Ito ang lahat ng bagay na dapat maunawaan at suriin ng mga tao. Kung hindi nila susuriin ang mga bagay na ito, habang tumatagal na sila ay nananampalataya sa Diyos, at lalo na, habang tumatagal ang pagganap nila sa isang tungkulin, mas lalo nilang iisipin na nakagawa sila ng isang kontribusyon na karapat-dapat gantimpalaan, na sila ay tiyak na maliligtas, at na sila ay sa Diyos. Kung isang araw sila ay matatanggal, malalantad, at mapapalayas, sasabihin nila: “Kahit hindi ako nakapagbigay ng isang kontribusyon na karapat-dapat gantimpalaan, kahit papaano ay nagsumikap naman ako, at kahit na hindi ako nagsumikap, kahit papaano ay nagpakapagod naman ako. Sa batayan ng pagdurusa at pagbabayad ko ng mga halaga sa loob ng napakaraming taon, hindi ako dapat tanggalin o tratuhin nang ganito ng sambahayan ng Diyos. Hindi ako dapat basta na lang na itapon ng sambahayan ng Diyos pagkatapos ko itong pagsilbihan!” Kung tunay na ikaw ay isang tao na naghahangad sa katotohanan, hindi mo dapat sabihin ang mga bagay na ito. Kung ikaw ay isang tao na naghahangad sa katotohanan, ilang beses mong naipatupad ang mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos nang lubusan at tiyak? Ilan sa mga ito ang naipatupad mo? Ilang aytem sa gawain ang tiningnan mong muli? Ilan sa mga ito ang nasuri mo na? Sa saklaw ng iyong mga responsabilidad at ng iyong tungkulin, at sa abot ng kung ano ang kayang kamtin ng iyong kakayahan, kakayahang makaarok, at pag-unawa sa katotohanan, gaano na karami ang iyong nagawa sa abot ng iyong makakaya? Aling mga tungkulin ang nagawa mo nang maayos? Ilang mabuting gawa ang naihanda mo? Ito ang mga pamantayan sa pagsubok kung ang isang tao ay naghahangad sa katotohanan. Kung hindi mo nagawa nang maayos ang lahat ng bagay na ito, at walang nakuhang anumang resulta, iyan ay nagpapatunay na nagdurusa at nagbabayad ka ng mga halaga sa mga taong ito nang umaasa na makatatanggap ka ng mga pagpapala, at na hindi mo isinasagawa ang katotohanan at hindi ka nagpapasakop sa Diyos; ang lahat ng iyong ginawa ay para sa iyong sarili, para sa katayuan at mga pagpapala, at hindi ito pagsunod sa daan ng Diyos. Kaya, ano ang lahat ng iyong ginawa? Hindi ba’t ang panghuling kalalabasan para sa mga taong ganito ay katulad ng kay Pablo? (Oo.) Tinatahak lahat ng mga taong ito ang landas ni Pablo, kaya natural, magiging katulad ng kay Pablo ang kalalabasan nila. Huwag mong isipin na nakagawa ka ng isang kontribusyon na karapat-dapat gantimpalaan dahil lang sa nananampalataya ka sa Diyos, at dahil tinalikuran mo ang iyong trabaho, pamilya, o sa ilang kaso ay maging ang iyong maliliit na anak. Wala kang nagawang anumang kontribusyon na karapat-dapat gantimpalaan, isang nilikha ka lamang, ang lahat ng ginagawa mo ay para sa iyong sarili, at mga bagay na dapat mong gawin. Magagawa mo bang magdusa at magbayad ng mga halaga kung hindi ito para makatanggap ng mga pagpapala? Magagawa mo bang talikuran ang iyong pamilya at bitiwan ang iyong trabaho? Huwag ituring ang pagtalikod sa iyong pamilya, pagbitiw sa iyong trabaho, pagdurusa, at pagbabayad ng mga halaga bilang katumbas ng paghahangad sa katotohanan at paggugol ng iyong sarili sa Diyos. Iyan ay panloloko lang sa sarili mo.
Iyong mga hindi man lang tumatanggap sa katotohanan o sa pagpupungos, ay isa-isang inilalantad at inaalis sa tuwing nagsasagawa ng malakihang pag-aalis ang sambahayan ng Diyos. Ang ilang tao, na may mga problemang hindi gaanong malubha, ay pinahihintulutang manatili habang sila ay inoobserbahan, at binibigyan sila ng pagkakataong magsisi pagkatapos nilang malantad. Para sa iba, masyadong matindi ang mga problema nila, hindi pa rin sila nagbabago sa kabila ng paulit-ulit na pagpuna, ginagawa pa rin nila ang dati nilang ginawa at paulit-ulit nilang ginagawa ang parehong mga pagkakamali, at ginugulo, ginagambala, at winawasak nila ang gawain ng iglesia, kaya sa huli, sila ay inaalis at itinitiwalag ayon sa mga prinsipyo, at hindi na binibigyan ng dagdag na mga pagkakataon. Sinasabi ng ilang tao: “Nalulungkot ako para sa kanila na hindi na sila binibigyan ng pagkakataon.” Hindi ba’t binigyan sila ng sapat na pagkakataon? Hindi sila nananampalataya sa Diyos para makinig sa Kanyang mga salita, para tanggapin ang pagkastigo at paghatol ng Kanyang mga salita, o para tanggapin ang Kanyang paglilinis at kaligtasan, inaasikaso lang nila ang sarili nilang mga usapin. Pagkatapos nilang simulan ang gawain ng iglesia o gampanan ang iba’t ibang tungkulin, nagsisimula silang makilahok sa maraming maling gawain, nanggugulo at nanggagambala, nagdudulot ng malubhang pinsala sa gawain ng iglesia, pati rin ng matitinding kawalan sa mga interes ng sambahayan ng Diyos. Matapos silang paulit-ulit na bigyan ng mga pagkakataon, at unti-unting itiwalag sa iba’t ibang grupo ng pagganap sa tungkulin, isinasaayos ng sambahayan ng Diyos na gampanan nila ang kanilang mga tungkulin sa pangkat ng ebanghelyo, pero kapag naroroon na sila, hindi sila nagsisikap sa kanilang mga tungkulin, at nakikilahok pa rin sila sa iba’t ibang uri ng maling gawain, nang hindi nagsisisi o nagbabago man lang. Gaano man magbahagi sa katotohanan ang sambahayan ng Diyos, o anumang pagsasaayos sa gawain ang ginagawa nito, at kahit na binibigyan nito ang mga taong ito ng mga pagkakataon, babala, at pinupungusan pa nga sila, walang saysay ang lahat ng ito. Hindi naman sila masyadong manhid, masyado lang talaga silang mapagmatigas. Siyempre, ang pagmamatigas na ito ay nagmumula sa perspektiba ng kanilang mga tiwaling disposisyon. Sa kanilang diwa, hindi sila tao, sila ay mga diyablo. Sa pagpasok sa iglesia, bukod sa pagkilos bilang mga Satanas, wala silang ginagawa na makakabuti sa gawain ng sambahayan ng Diyos at sa gawain ng iglesia. Gumagawa lang sila ng masasamang bagay; pumupunta lang sila para guluhin at wasakin ang gawain ng iglesia. Matapos makapagpabalik-loob ng ilang tao habang nangangaral ng ebanghelyo, pakiramdam nila ay mayroon na silang kapital at na nakagawa sila ng isang kontribusyon na karapat-dapat purihin, at nakokontento na sila sa kanilang mga tagumpay, iniisip na maaari silang mamuno bilang hari sa sambahayan ng Diyos, na pwede silang mag-utos at magdesisyon sa anumang aspekto ng gawain, at na pwede nilang pilitin ang mga tao na isagawa at ipatupad ang mga ito. Paano man magbahagi ang Itaas sa katotohanan o magsaayos sa gawain, hindi ito sineseryoso ng mga taong ito. Sa harap mo, nagsasabi sila ng mga bagay na labis na kaaya-ayang pakinggan: “Maganda ang mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos, ang mga iyon mismo ang kailangan natin, naituwid ng mga ito ang mga bagay-bagay sa tamang panahon, kung hindi, hindi natin malalaman kung gaano na tayo kalayo.” Kapag ibinaling nila ang kanilang ulo, nagbabago sila, at nagsisimulang magpakalat ng kanilang sariling mga ideya. Sabihin mo sa Akin, tao ba talaga ang mga taong ganito? (Hindi.) Kung hindi sila tao, ano sila? Sa panlabas, nakasuot sila ng balat ng tao, ngunit sa diwa, hindi sila gumagawa ng mga bagay na pantao—sila ay mga demonyo! Ang papel na ginagampanan nila sa iglesia ay ang partikular na guluhin ang iba’t ibang bagay sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Ginugulo nila ang anumang gawaing ginagawa nila, at hindi sila kailanman naghanap sa katotohanan o sa mga prinsipyo, tumingin sa mga pagsasaayos ng gawain, o kumilos ayon sa mga ito. Sa sandaling magkaroon sila ng kaunting kapangyarihan, ipinangangalandakan nila ito at ipinagmamalaki ang kanilang sarili sa harap ng mga hinirang ng Diyos. Lahat sila ay may mukha ng mga demonyo, at wala silang wangis ng tao. Hindi nila kailanman itinaguyod ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, pinangangalagaan lamang nila ang kanilang sariling mga interes at katayuan. Nasaang antas man sila ng pamumuno, o anumang aytem sa gawain ang kanilang pinangangasiwaan, sa sandaling ipinagkatiwala sa kanila ang gawain, ito ay nagiging sa kanila na, sila ang may huling pasya, at hindi na ito dapat pang suriin, pangasiwaan, o subaybayan ng iba, at lalong hindi na sila dapat makialam. Hindi ba’t ang mga ito ay tunay na mga anticristo? (Oo.) At gusto pa rin ng mga taong ito na magtamo ng mga pagpapala! Mayroon Akong dalawang salita para sa mga taong ito: di-makatwiran at di-matutubos. Ang mga hindi naghahangad sa katotohanan ay maaaring matisod sa anumang hadlang, at hindi sila makakausad nang husto. Noon, palagi Kong sinasabi sa inyo: “Kung kaya ninyong magserbisyo hanggang sa katapusan, at maging isang tapat na tagapagserbisyo, mabuti rin iyon.” Ang ilang tao ay hindi nagmamahal sa katotohanan, at hindi sila handang hangarin ito. Ano ang dapat gawin tungkol dito? Sila ay dapat na maging mga tagapagserbisyo. Kung kaya mong magsumikap sa pagseserbisyo, at hindi magdulot ng anumang panggagambala o kaguluhan, o gumawa ng anumang kasamaan na magtutulak sa iyo na mapaalis, at magagarantiya mo na hindi ka gagawa ng kasamaan, at maipagpapatuloy mo ang pagseserbisyo hanggang sa huli, kung gayon, mananatili kang buhay. Bagamat hindi ka makakatanggap ng napakaraming pagpapala, kahit papaano ay makapagseserbisyo ka sa panahon ng gawain ng Diyos, magiging isa kang tapat na tagapagserbisyo, at sa huli, hindi ka tatratuhin nang di-makatarungan ng Diyos. Ngunit sa ngayon, may ilang tagapagserbisyo na talagang hindi makakapaglingkod hanggang sa huli. Bakit ganoon? Dahil wala silang mga espiritu ng tao. Hindi natin susuriin kung anong uri ng espiritu ang namamalagi sa loob nila, pero sa pinakamababa, kung titingnan ang kanilang pag-uugali mula sa simula hanggang wakas, ang diwa nila ay iyong sa diyablo, hindi sa isang tao. Hindi man lang nila tinatanggap ang katotohanan, at mas lalong hindi nila hinahangad ito.
Sampung taon na ang nakalilipas, noong hindi pa napagbahaginan nang detalyado ang bawat aspekto ng katotohanan, hindi nauunawaan ng mga tao kung ano ang ibig sabihin ng paghahangad sa katotohanan o ang pangangasiwa sa mga bagay batay sa mga katotohanang prinsipyo. Ang ilang tao ay kumilos batay sa mga sarili nilang kagustuhan, imahinasyon, at kuru-kuro, o sumunod sa mga panuntunan. Kauna-unawa naman ito, dahil hindi pa sila nakakaintindi. Ngunit ngayon, 10 taon na ang lumipas, bagamat hindi pa natatapos ang ating pagbabahaginan sa iba’t ibang aspekto ng katotohanan, ang iba’t ibang pangunahing katotohanan na nauugnay sa mga taong gumagampan at gumagawa ng mga tungkulin, sa pinakamababa, ay naipaliwanag na nang malinaw patungkol sa mga prinsipyo. Anumang uri ng tungkulin ang ginagampanan nila, ang mga taong nagtataglay ng puso at espiritu, na nagmamahal sa katotohanan at kayang hangarin ito, ay dapat na maisagawa ang ilang bahagi ng mga katotohanang prinsipyo sa pamamagitan ng pag-asa sa kanilang konsensiya at katwiran. Ang mga tao ay nagkukulang at nabibigo sa pag-abot ng mga mas mataas at mas malalim na katotohanan, at hindi nila makilala ang diwa ng ilang problema, o ang mga diwa na nauugnay sa katotohanan, ngunit dapat nilang maisagawa ang mga katotohanan na kaya nilang maabot, at na mga malinaw nang naipahayag. Sa pinakamababa, dapat nilang mapanghawakan, maipatupad, at maipamahagi ang mga pagsasaayos ng gawain na malinaw na ipinahayag ng sambahayan ng Diyos. Gayunpaman, iyong mga sa demonyo ay hindi man lang kayang gawin ang mga bagay na ito. Sila ang mga uri ng tao na hindi man lang makapagtrabaho hanggang sa huli. Kapag hindi man lang makapagtrabaho hanggang sa katapusan ang mga tao, nangangahulugan ito na itutulak sila palabas ng bagon sa kalagitnaan ng paglalakbay. Bakit sila itutulak palabas ng bagon? Kung tahimik silang nakaupo sa bagon, natutulog, hindi kumikilos, o nililibang pa nga ang kanilang sarili, hangga’t hindi nila ginugulo ang lahat o ang takbo ng buong tren, sino ba ang makakaatim na itulak sila palabas ng bagon? Walang gagawa niyon. Kung talagang makakapagtrabaho sila, hindi rin sila itutulak ng Diyos palabas ng bagon. Ngunit ang paggamit sa mga taong ito para magtrabaho ngayon ay magdudulot ng mas maraming kawalan kaysa mga pakinabang. Ang iba’t ibang aspekto ng gawain ng sambahayan ng Diyos ay dumanas ng mga napakalaking kawalan dahil sa mga panggugulo ng mga taong ito. Sila ang dahilan ng labis na pag-aalala! Hindi nila nauunawaan ang katotohanan, kahit paano pa ito ibinahagi, at pagkatapos, gumagawa pa rin sila ng masasamang bagay. Ang pakikisalamuha sa mga taong ito ay tunay na nangangahulugan ng walang-katapusang pakikipag-uusap, at pagdanas ng walang-katapusang galit. Ang napakahalagang punto ay na ang mga taong ito ay nakagawa ng labis na kasamaan, at nagdulot ng mga napakalaking kawalan sa pagpapalawig ng ebanghelyo ng sambahayan ng Diyos. Sa mga kaunting tungkuling ginagampanan nila, nagdudulot lang sila ng mga panggagambala at kaguluhan, at ang mga kawalang idinudulot nila sa gawain ng sambahayan ng Diyos ay hindi na mababawi. Gumagawa ng maraming masamang bagay ang mga taong ito. Habang kasama ang mga ordinaryong miyembro ng iglesia, ginagawa nila ang anumang gusto nila, nilulustay nila ang mga handog, pinalalaki nila ang bilang ng mga taong napagpabalik-loob nila habang ipinalalaganap ang ebanghelyo, at ginagamit nila ang ibang tao nang hindi nararapat. Eksklusibo nilang ginagamit ang ilang masamang tao, mga taong naguguluhan, at mga taong nanggugulo habang gumagawa ng masasamang bagay. Hindi sila nakikinig sa mga mungkahi ng sinuman, at sinusupil at pinarurusahan nila ang sinumang nagpapahayag ng opinyon. Sa ilalim ng kanilang saklaw, hindi ipinapatupad ang mga salita ng Diyos, ang Kanyang mga hinihingi at mga pagsasaayos ng gawain, sa halip ay isinasantabi ang mga ito. Ang mga taong ito ay nagiging mga lokal na maton at despotiko; nagiging diktador sila. Sabihin mo sa Akin, maaari bang panatilihin ang mga ganitong tao? (Hindi.) Sa kasalukuyan, tinanggal na ang ilang tao, at pagkatapos matanggal ay pinag-uusapan nila ang tungkol sa “pagpapasakop sa mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos,” para ipakita na sila ay napakarangal, napakamapagpasakop, at sadyang mga naghahangad sa katotohanan. Sa pagsasabi nito, ang ibig nilang sabihin ay wala silang komento tungkol sa anumang ginagawa ng sambahayan ng Diyos, at handa silang magpasakop sa mga pagsasaayos nito. Sinasabi nila na handa silang magpasakop sa mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos—kung gayon ay bakit sila gumawa ng napakalaking kasamaan, na naging dahilan para tanggalin sila ng iglesia? Bakit hindi nila ito naiintindihan? Bakit hindi nila ito ipinaliwanag? Nagdulot sila ng iba’t ibang uri ng problema at kawalan sa gawain ng sambahayan ng Diyos habang gumagampan sila—hindi ba’t kailangan nilang magtapat at magbukas tungkol dito? Tapos na ba ang usapin kung basta lang nila itong hindi babanggitin? Sinasabi nila na gusto nilang magpasakop sa mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos, ipinapakita kung gaano sila karangal at kadakila—ito ay ganap na pagkukunwari at panlalansi! Kung natututo na silang magpasakop sa mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos, bakit hindi sila nagpasakop sa mga naunang pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos? Bakit hindi nila ipinatupad ang mga ito? Ano ang ginagawa nila noon? Sino ba talaga ang sinusunod nila? Bakit hindi sila nagpaliwanag tungkol dito? Sino ang kanilang amo? Isinakatuparan ba nila ang bawat aspekto ng gawaing isinaayos ng sambahayan ng Diyos? Nagtamo ba sila ng mga resulta? Papasa ba ang kanilang gawain kung ito ay sasailalim sa maingat na pagsusuri? Paano nila mababawi ang mga kawalan na idinulot ng kanilang panggugulo habang gumagawa ng kasamaan sa sambahayan ng Diyos? Hindi ba’t karapat-dapat na pag-usapan ang bagay na ito? Maaari bang sabihin na lang nila na magpapasakop sila sa mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos, at iyon na iyon? Sabihin mo sa Akin, may pagkatao ba ang mga ganitong tao? (Wala.) Wala silang pagkatao, katwiran, at konsensiya, at wala silang kahihiyan! Hindi nila nararamdaman na nakagawa sila ng napakaraming kasamaan, at nagdulot ng mga napakalaking kawalan sa sambahayan ng Diyos. Nagdulot sila ng napakaraming panggagambala at kaguluhan nang hindi nakararamdam ng pagsisisi, ng anumang pakiramdam ng pagkakautang, o anumang pagkilala sa bagay na ito. Kung susubukan mo silang papanagutin, sasabihin nila, “Hindi lang ako ang gumawa niyon”—may mga dahilan sila. Ang ibig nilang sabihin ay na hindi pwedeng ipatupad ang mga parusa kung lahat naman ay nagkakasala, at na dahil gumagawa ng kasamaan ang lahat, bilang indibidwal ay hindi sila dapat managot. Mali ito. Dapat nilang ipaliwanag ang kasamaang ginawa nila—ang bawat indibidwal ay dapat magpaliwanag sa anumang kasamaang ginawa nila. Dapat silang magpasakop sa mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos, at harapin nang tama ang kanilang sariling mga problema. Kung taglay nila ang saloobing ito, maaari silang magkaroon ng isa pang pagkakataon at manatili, subalit hindi sila pwedeng palaging gumawa ng kasamaan! Kung walang kamalayan sa kanilang konsensiya, kung hindi nila maramdaman na may pagkakautang sila sa Diyos sa anumang paraan, at hindi man lang sila nagsisisi, mula sa perspektiba ng tao, maaari silang bigyan ng pagkakataon, pahintulutang patuloy na gawin ang kanilang mga tungkulin, at hindi managot, ngunit paano ito nakikita ng Diyos? Kung hindi sila papanagutin ng mga tao, hindi rin ba sila papanagutin ng Diyos? (Papanagutin sila ng Diyos.) Tinatrato ng Diyos ang lahat ng tao at bagay nang may mga prinsipyo. Hindi makikipagkompromiso sa iyo ang Diyos at hindi Niya aayusin ang mga bagay, hindi Siya magiging mapagpalugod ng tao na katulad mo. Ang Diyos ay may mga prinsipyo, Siya ay may matuwid na disposisyon. Kung lumalabag ka sa mga prinsipyo at atas administratibo ng sambahayan ng Diyos, dapat kang iwasto ng iglesia at ng sambahayan ng Diyos alinsunod sa mga prinsipyo at sa mga itinakda ng mga atas administratibo. Tungkol naman sa mga ibubunga ng iyong pagkakasala sa Diyos, sa katunayan, sa puso mo ay alam mo kung paano ka tinitingnan o tinatrato ng Diyos. Kung talagang tinatrato mo ang Diyos bilang Diyos, dapat kang humarap sa Kanya para magtapat, aminin ang iyong mga kasalanan, at magsisi. Kung wala kang ganitong saloobin, kung gayon, isa kang walang pananampalataya, isa kang diyablo, ikaw ay isang kaaway ng Diyos, at dapat kang isumpa! Ano ang silbi ng iyong pakikinig sa mga sermon kung gayon? Dapat kang umalis; hindi ka karapat-dapat na makinig sa mga sermon! Ang mga katotohanan ay sinasalita para marinig ng mga normal na tiwaling tao; bagamat mayroong mga tiwaling disposisyon ang gayong mga tao, mayroon silang determinasyon at kagustuhang tanggapin ang katotohanan, kaya nilang pagnilayan ang kanilang sarili sa tuwing may nangyayari sa kanila, at kaya nilang magtapat, magsisi, at magbago kapag may mali silang ginawa. Ang gayong mga tao ay maaaring maligtas, at para sa kanila sinasalita ang mga katotohanan. Ang mga taong walang saloobin ng pagsisisi kahit ano pa ang nangyayari sa kanila ay hindi mga ordinaryong tiwaling tao, sila ay ganap na naiiba; ang diwa nila ay sa diyablo, hindi sa isang tao. Bagamat maaaring hindi rin nila hinahangad ang katotohanan, ang mga ordinaryong tiwaling tao ay kadalasang kayang umiwas sa paggawa ng masasamang bagay batay sa kanilang konsensiya, sa kaunting kahihiyang taglay ng kanilang normal na pagkatao, at sa kaunting katwiran na mayroon sila, at wala silang intensiyon na sadyang magdulot ng mga panggagambala at gulo. Sa mga normal na sitwasyon, ang gayong mga tao ay kayang magserbisyo at sumunod hanggang sa huli, at nagagawa nilang manatiling buhay. Gayunpaman, mayroong isang uri ng mga tao, na walang konsensiya o katwiran, na wala man lang dangal o kahihiyan, na walang mga pusong nagsisisi kahit gaano pa karaming kasamaan ang ginagawa nila, at na walang kahihiyang nagtatago sa loob ng sambahayan ng Diyos, umaasa pa rin na makatanggap ng mga pagpapala, at hindi marunong magsisi. Kapag may nagsasabi, “Nagdulot ka ng panggagambala at kaguluhan sa paggawa niyan,” sinasabi niya, “Talaga ba? Kung gayon, nagkamali ako, pagbubutihin ko na lang sa susunod.” Sasagot ang ibang taong iyon, “Kung gayon, dapat mong makilala ang iyong mga tiwaling disposisyon,” at sasabihin niya, “Kilalanin ang anong mga tiwaling disposisyon? Naging ignorante at hangal lang ako. Pagbubutihin ko na lang sa susunod.” Wala siyang malalim na pag-unawa, at nililinlang lang niya ang mga tao gamit ang kanyang mga salita. Kaya bang magsisi ng mga taong may ganitong saloobin? Ni wala silang kahihiyan—hindi sila tao! Sinasabi ng ilang tao: “Kung hindi sila tao, mga hayop ba sila?” Sila ay mga hayop, ngunit mas mababa pa sila kaysa sa mga aso. Pag-isipan ito, kapag ang isang aso ay gumawa ng masamang bagay o nagpapasaway, kung sasawayin mo ito nang isang beses, agad itong malulungkot, at magiging mabait na ito sa iyo, na ang ibig sabihin nito ay: “Pakiusap, huwag kang mamuhi sa akin, hindi ko na iyon uulitin.” Kapag muling nangyari ang ganoong bagay, sadyang titingin sa iyo ang aso para sabihin sa iyo: “Hindi ko gagawin ito, huwag kang mag-alala.” Natatakot man ang aso na mapalo, o sinusubukan man nitong makuha ang pagsang-ayon ng amo nito, paano mo man ito tingnan, kapag alam ng aso na ayaw o hindi pumapayag ang amo nito sa isang bagay, hindi ito gagawin ng aso. Kaya nitong pigilan ang sarili; may kahihiyan ito. Maging ang mga hayop ay may pakiramdam ng kahihiyan, ngunit ang mga taong ito ay wala. Kung gayon, tao pa rin ba sila? Mas mababa pa sila kaysa sa mga hayop, kaya sila ay hindi tao at mga bagay na walang buhay, sila ay tunay na mga diyablo. Hindi sila kailanman nagninilay-nilay sa kanilang sarili o nagtatapat kahit gaano pa kalaki ang kasamaang ginagawa nila, at lalong hindi nila alam kung paano magsisi. May ilang tao na nahihiyang humarap sa kanilang mga kapatid dahil nakagawa sila ng kaunting kasamaan, at kung pipiliin sila ng mga kapatid sa panahon ng halalan, sasabihin nila: “Hindi ko tatanggapin ang tungkuling ito, hindi ako kwalipikado. Noon, gumawa ako ng ilang kahangalan na nagdulot ng ilang kawalan sa gawain ng iglesia. Hindi ako karapat-dapat sa posisyong ito.” Ang ganitong mga tao ay may kahihiyan, at mayroon silang konsensiya at katwiran. Ngunit ang masasamang taong iyon ay walang kahihiyan. Kung hihilingin mo sa kanila na maging lider sila, agad silang tatayo at sasabihin: “Kita mo na! Ano ang tingin mo rito? Hindi kaya ng sambahayan ng Diyos kung wala ako. Mahalaga ako, napakahusay ko!” Sabihin mo sa Akin, hindi ba’t mahirap na iparamdam sa mga taong ito ang kahihiyan? Gaano kahirap ito? Mas mahirap pa ito kaysa sa pag-akyat sa mga pader ng Shanhai Pass ng China—wala silang kahihiyan! Gaano man karaming kasamaan ang ginagawa nila, nagpapakatamad pa rin sila sa iglesia nang walang-kahihiyan. Kailanman ay hindi sila naging mapagpakumbaba sa kanilang mga pakikipag-ugnayan sa mga kapatid, namumuhay pa rin sila gaya ng dati, at paminsan-minsan ay ipinagmamayabang pa nga nila ang kanilang “mga dakilang tagumpay,” tungkol sa kanilang mga dating pagtalikod, paggugol, pagdurusa, at mga halagang binayad nila, at ang tungkol sa kanilang dating “kaluwalhatian at kadakilaan.” Sa sandaling magkaroon sila ng pagkakataon, agad silang tumatayo para ipangalandakan at ipagmalaki ang kanilang sarili, ikinukwento ang tungkol sa kanilang kapital at ipinangangalandakan ang kanilang mga kwalipikasyon, ngunit hindi nila kailanman ikinukwento kung gaano karaming kasamaan ang nagawa nila, kung gaano karaming handog ng Diyos ang nilustay nila, o kung gaano karaming kawalan ang naidulot nila sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Hindi man lang sila nagtatapat kapag pribado silang nagdarasal sa Diyos, at hindi sila kailanman lumuluha nang dahil sa mga pagkakamaling nagawa nila o sa mga kawalang naidulot nila sa sambahayan ng Diyos. Ganoon sila katigas at kawalang-kahihiyan. Hindi ba’t ganap silang hindi makatwiran at hindi matutubos? (Oo.) Sila ay hindi matutubos, at hindi maliligtas. Paano mo man sila bigyan ng pagkakataon, para lang itong pakikipag-usap sa isang pader, o pamimilit sa isang tao na gawin ang isang bagay na hindi nito kaya, o paghiling sa mga diyablo at kay Satanas na sambahin ang Diyos. Kaya, pagdating sa mga taong ito, sa huli, ang saloobin ng sambahayan ng Diyos ay ang sukuan sila. Kung handa silang gumampan ng mga tungkulin, maaari nilang gawin iyon, bibigyan sila ng kaunting pagkakataon ng sambahayan ng Diyos. Kung hindi sila handang gumampan ng mga tungkulin, at sasabihin nila: “Magtatrabaho ako, kikita ng pera, at magpapalipas ng mga araw; aasikasuhin ko ang sarili kong usapin,” maaari silang umalis, bukas ang pintuan ng sambahayan ng Diyos, maaari silang umalis agad! Ayaw Ko nang makitang muli ang pagmumukha nila, labis silang nakasusuklam! Bakit pa ba sila nagpapanggap? Ang kaunting pagdurusang tiniis nila, ang maliliit na halagang binayad nila, ang kanilang mga kaunting pagtalikod at paggugol, ay mga paunang kondisyon lamang na inihanda nila upang makagawa sila ng masama. Kung mananatili sila sa sambahayan ng Diyos, anong uri ng serbisyo ang maibibigay nila para dito? Anong mga pakinabang ang maidudulot nila sa gawain ng sambahayan ng Diyos? May ideya ka ba kung gaano kalaking pagkagambala at kaguluhan ang maidudulot sa gawain ng iglesia ng masasamang gawa at masasamang bagay na ginawa ng isang masamang tao, isang anticristo, sa loob ng anim na buwan? Sabihin mo sa Akin, ilang kapatid ang mangangailangang gumawa para makabawi sa pagkagambala at kaguluhang ito? Hindi ba’t hindi sulit ang paggamit sa masamang taong iyon, sa anticristong iyon, para sa kaunting serbisyo? (Oo.) Hindi natin pag-uusapan ang laki ng mga kawalan na maaaring maidulot ng isang grupo ng mga anticristo na nagsasama-sama para gumawa ng masasamang bagay, ngunit gaano kalaking pinsala ang maaaring maidulot sa gawain ng iglesia ng isang maling paniniwala at maladiyablong pahayag na sinalita ng isang anticristo, o ng isang kakatwang utos na ipinapatupad ng isang anticristo? Sabihin mo sa Akin, gaano karaming tao ang kailangang gumawa, at gaano katagal sila gagawa, para makabawi rito? Sino ang mananagot sa kawalang ito? Walang may kaya! Mababawi kaya ang kawalang ito? (Hindi.) Sinasabi ng ilang tao: “Kung kukuha tayo ng dagdag pang tao na tutulong, at magtitiis ng kaunti pang paghihirap ang mga kapatid, maaari tayong makabawi rito.” Bagamat maaaring makabawi ka sa ilan sa mga ito, gaano karaming tao at materyal na rekurso ang kakailanganing igugol ng sambahayan ng Diyos? Sa partikular, sino ang makakabawi sa nawalang oras, at sa mga kawalang dinanas ng mga hinirang ng Diyos sa kanilang buhay pagpasok? Walang makakagawa niyon. Samakatuwid, ang mga pinsalang ginawa ng mga anticristo ay hindi mapapatawad! Sinasabi ng ilang tao: “Sinabi ng mga anticristo, ‘Babayaran namin ang perang nawala.’” Siyempre kailangan nilang bayaran iyon! “Sinabi ng mga anticristo, ‘Magdadala kami ng mas maraming tao, para makabawi sa mga naiwala namin.’” Iyon ang pinakamaliit na bagay na magagawa nila. Dapat silang bumawi sa kasamaang ginawa nila! Ngunit sino ang makakabawi sa oras na nawala? Kaya ba nilang gawin iyon? Imposibleng mabawi pa ito. Kaya, ang mga pinsalang ginawa ng mga taong ito ang pinakakasuklam-suklam sa mga kasalanan! Hindi mapapatawad ang mga ito. Sabihin mo sa Akin, hindi ba’t totoo iyon? (Totoo nga.)
Kapag nakikita ng ilang tao na medyo mahigpit na pinangangasiwaan ng sambahayan ng Diyos ang mga anticristo—hindi binibigyan ng pagkakataon at direktang pinaaalis ang mga anticristo—naiisip nila ito: “Hindi ba’t sinabi ng sambahayan ng Diyos na binibigyan nito ng mga pagkakataon ang mga tao? Kapag nakagawa ng isang maliit na pagkakamali ang isang tao, ayaw na ba sa kanya ng sambahayan ng Diyos? Hindi ba siya binibigyan ng pagkakataon nito? Dapat bigyan siya nito ng pagkakataon, masyado namang hindi mapagmahal ang sambahayan ng Diyos!” Sabihin mo sa Akin, ilang pagkakataon na ba ang naibigay sa mga taong iyon? Ilang sermon na ba ang napakinggan nila? Masyado bang kaunti ang pagkakataong ibinigay sa kanila? Kapag gumagawa sila, hindi ba nila alam na gumagampan sila ng mga tungkulin? Hindi ba nila alam na ipinalalaganap nila ang ebanghelyo at ginagawa ang gawain ng sambahayan ng Diyos? Hindi ba nila alam ang mga bagay na ito? Nagpapatakbo ba sila ng isang negosyo, kompanya, o pabrika? Namamahala ba sila ng kanilang sariling mga negosyo? Ilang pagkakataon na ba ang naibigay ng sambahayan ng Diyos sa mga taong ito? Ang bawat isa sa kanila ay nagtamasa na ng maraming pagkakataon. Para sa mga inilipat mula sa iba’t ibang grupo tungo sa pangkat ng ebanghelyo, mayroon ba sa kanila ang natanggal pagkatapos na mapabilang sa pangkat ng ebanghelyo sa loob lamang ng ilang araw? Wala sa kanila ang natanggal nang ganoon, maliban na lang kung ang kasamaang nagawa nila ay masyadong malubha, kung gayon ay tinanggal na sila. Ang bawat isa sa kanila ay nabigyan ng sapat na pagkakataon, sadyang hindi lang nila alam kung paano pahalagahan ang mga ito o kung paano magsisi. Sinusunod nila ang sarili nilang kagustuhan, palaging tinatahak ang landas ni Pablo. Napakagandang pakinggan at malinaw ang mga salita nila, ngunit hindi sila kumikilos na parang tao. Dapat pa rin bang bigyan ng pagkakataon ang mga ganitong tao? (Hindi.) Noong nabigyan sila ng pagkakataon, tinatrato sila na parang tao, pero hindi sila tao. Hindi nila ginagawa ang mga bagay na ginagawa ng mga tao, kaya pasensya na, bukas ang pintuan ng sambahayan ng Diyos—maaari na silang umalis. Hindi na sila gagamitin ng sambahayan ng Diyos. Ang sambahayan ng Diyos ay may kalayaan pagdating sa paggamit ng mga tao, may karapatan ito. Ayos lang ba kung hindi sila ginagamit ng sambahayan ng Diyos? Kung gusto nilang manampalataya, magagawa nila ito sa labas ng sambahayan ng Diyos. Ano’t anuman, hindi sila gagamitin ng sambahayan ng Diyos—hindi nito pwedeng gawin iyon, nagsasanhi sila ng labis na pag-aalala! Nagdulot sila ng napakalaking kawalan sa sambahayan ng Diyos, at walang sinuman ang makakabayad para dito—hindi nila ito kayang bayaran! Hindi sa dahil malas sila, hindi sa dahil hindi sila binigyan ng pagkakataon ng sambahayan ng Diyos, hindi sa dahil hindi mapagmahal ang sambahayan ng Diyos, at pinahirapan sila nito nang husto, at lalong hindi sa dahil itinatapon sila ng sambahayan ng Diyos pagkatapos nilang makompleto ang kanilang gawain. Ito ay dahil sumosobra na ang mga taong ito, hindi na sila matitiis, at hindi nila maipaliwanag ang mga bagay na nagawa nila. Para sa bawat aytem ng gawain, nagbigay ng mga prinsipyo sa paggawa ang sambahayan ng Diyos, at ang Itaas ay personal na nagbigay ng patnubay, pagsusuri, at pagtutuwid. Hindi ito isang usapin lang ng pagdaraos ng ilang pagtitipon, o pagsasabi ng ilang salita ng sambahayan ng Diyos at ng Itaas; nakapagsalita na sila ng maraming salita at nakapagdaos na ng maraming pagtitipon, taimtim na nagpapayo sa mga tao, at sa huli, ang nakuha nilang kapalit ay panlalansi, at nagambala at nagulo ang gawain ng iglesia sa huli, at tuluyan nang nagkaroon ng malaking problema. Sabihin mo sa Akin, sino ang magiging handa pa ring magbigay ng pagkakataon sa mga taong iyon? Sino ang magiging handang panatilihin sila? Maaari silang manggulo habang gumagawa ng kasamaan, ngunit hindi naman siguro nila pinagbabawalan ang sambahayan ng Diyos na pangasiwaan sila nang ayon sa mga prinsipyo? Ang pangangasiwa sa kanila sa ganitong paraan ay hindi dapat tawaging hindi mapagmahal, dapat itong tawaging pagtataglay ng mga prinsipyo. Ang pagmamahal ay ibinibigay sa mga taong maaaring mahalin, sa mga taong mangmang na maaaring patawarin; hindi ito ibinibigay sa masasamang tao, sa mga diyablo, o sa mga sadyang nanggagambala at nanggugulo, hindi ito ibinibigay sa mga anticristo. Nararapat lamang na sumpain ang mga anticristo! Bakit nararapat lamang silang sumpain? Dahil, gaano man kalaki ang ginagawa nilang kasamaan, hindi sila nagsisisi, nagtatapat, o nagbabago, nakikipagkumpitensiya sila sa Diyos hanggang sa pinakahuli. Humaharap sila sa Diyos na nagsasabing, “Kapag namatay ako, mamamatay akong nakatayo. Hindi ako susuko. Kapag humarap ako sa Iyo, hindi ako luluhod o yuyuko. Hindi ako tatanggap ng pagkatalo!” Anong klase ito? Kahit na malapit na silang mamatay, sasabihin pa rin nila, “Patuloy kong lalabanan ang sambahayan ng Diyos hanggang sa huli. Hindi ko ipagtatapat ang aking mga kasalanan—wala akong ginawang mali!” Sige, kung wala silang ginawang mali, maaari na silang umalis. Hindi sila gagamitin ng sambahayan ng Diyos. Ayos lang ba kung hindi sila gagamitin ng sambahayan ng Diyos? Ayos lang talaga ito! Sinasabi ng ilang tao, “Kung hindi ako gagamitin ng sambahayan ng Diyos, wala itong sinumang magagamit.” Dapat tingnan ng mga taong ito kung talaga bang walang sinumang nagagamit—mayroon bang anumang gawain sa sambahayan ng Diyos ang umaasa sa mga tao? Kung wala ang gawain ng Banal na Espiritu at ang proteksiyon ng Diyos, sino ba ang makakarating sa kung nasaan na sila ngayon? Anong aytem sa gawain ang mapapanatili hanggang ngayon? Iniisip ba ng mga taong ito na sila ay nasa sekular na mundo? Kung ang alinmang grupo sa sekular na mundo ay mawawalan ng pangangalaga ng isang pangkat ng mga indibidwal na may talento at kahusayan, hindi nito makokompleto ang alinman sa mga proyekto nito. Ang gawain sa sambahayan ng Diyos ay naiiba. Ang Diyos ang nangangalaga, namumuno, at gumagabay sa gawain sa sambahayan ng Diyos. Huwag isipin na ang gawain sa sambahayan ng Diyos ay nakasalalay sa suporta ng sinumang tao. Hindi ito ang lagay, at ito ang pananaw ng isang hindi mananampalataya. Sa palagay ba ninyo ay naaangkop na abandonahin ng sambahayan ng Diyos ang masasamang tao tulad ng mga anticristo at ng mga hindi mananampalataya? (Oo.) Bakit ito naaangkop? Dahil napakalaki ng mga kawalang naidulot ng paggamit sa mga taong iyon para magsagawa ng gawain, walang pigil na nilulustay ng mga taong iyon ang lakas-tao at mga pinansiyal na mapagkukunan, at wala silang anumang prinsipyo. Hindi sila nakikinig sa salita ng Diyos, at ganap silang kumikilos batay sa sarili nilang mga ambisyon at hangarin. Hinding-hindi nila nirerespeto ang mga salita ng Diyos o ang mga pagsasaayos ng gawain sa sambahayan ng Diyos, ngunit kapag may sinasabi ang isang anticristo, lubos nila itong nirerespeto, at nagsasagawa sila alinsunod dito. Nabalitaan Ko na mayroong isang hangal na nakatira sa Europa, ngunit gumagawa ng mga gampaning nakabase sa Asya. Sinabi ng sambahayan ng Diyos na ililipat siya nito para gumawa ng pagpapalaganap ng ebanghelyo sa Europa, upang hindi na siya maabala sa pagkakaiba ng oras sa Asya, pero hindi siya pumayag, at ayaw na niyang bumalik sa paggawa ng mga gampanin sa Europa, kahit na isinaayos ito ng sambahayan ng Diyos, sapagkat ang anticristong sinasamba niya ay nasa Asya, at ayaw niyang humiwalay sa kanyang amo. Hindi ba’t isa siyang hangal? (Oo.) Sabihin mo sa Akin, karapat-dapat ba siyang gumampan sa kanyang tungkulin? Kailangan ba natin siya? Ang mga pagsasaayos ng gawain na ginawa ng sambahayan ng Diyos ay angkop. Kung ikaw ay nasa Europa, dapat kang gumawa ng mga gampaning nakabase sa Europa at hindi sa Asya. Saanmang kontinente ka naroroon, dapat mong gawin ang mga gampanin doon, at sa gayon ay hindi ka na maaabala ng mga pagkakaiba ng oras—magandang bagay iyon! Gayunpaman, hindi pumayag ang taong ito. Hindi gumana sa kanya ang mga salita ng sambahayan ng Diyos; hindi siya magawang ilipat ng sambahayan ng Diyos, kinailangan niya na ang kanyang amo ang magdesisyon. Kung sasabihin ng kanyang amo, “Bumalik ka para gawin ang mga gampanin sa Europa,” babalik siya para gawin ang mga gampaning iyon. Kung sasabihin naman ng kanyang amo na, “Hindi ka pwedeng bumalik para gawin ang mga gampanin sa Europa, kailangan kita para mag-asikaso sa mga bagay-bagay rito,” sasabihin niya, “Kung gayon, hindi ako pwedeng bumalik.” Para kanino siya nagserbisyo? (Para sa kanyang amo.) Nagserbisyo siya para sa kanyang amo—isang anticristo. Kung gayon, hindi ba’t dapat siyang alisin kasama ang kanyang amo? Hindi ba’t dapat siyang mapatalsik? (Oo.) Bakit galit na galit Ako sa mga taong ganito? Dahil gumagawa sila ng labis na kasamaan; kahit sino ay magagalit kapag nalaman ito. Sinusubukan ng mga taong ito na sadyang lansihin ang Diyos—iyon ay masyadong mapaminsala! Sabihin mo sa Akin, bakit ako galit na galit sa mga taong ganito? (Sinasabi nila na nananampalataya sila sa Diyos, pero ang totoo, nakikinig sila sa kanilang mga amo. Hindi sila tunay na sumusunod at nagpapasakop sa Diyos.) Ganap nilang inilaan ang kanilang sarili sa pagsunod sa mga diyablo at kay Satanas. Ang sinasabi nilang sumusunod sila sa Diyos ay isang panakip lamang. Sinusundan at pinaglilingkuran nila ang mga Satanas habang nagkukunwari na sumusunod sa Diyos at ginugugol ang kanilang sarili para sa Diyos, at sa huli, gusto pa rin nilang makakuha ng mga gantimpala at pagpapala mula sa Diyos. Hindi ba’t ganap na walang kahihiyan iyon? Hindi ba’t iyon ay ganap na hindi makatwiran at hindi na matutubos? (Oo.) Sabihin mo sa Akin, papanatilihin ba ng sambahayan ng Diyos ang mga ganitong tao? (Hindi.) Kung gayon, ano ang angkop na paraan ng pangangasiwa sa kanila? (Ang alisin sila, kasama ang kanilang mga amo.) Gusto nilang sundan ang kanilang amo, at masyado silang determinadong gumawa hanggang sa mamatay sila para lang sa kanilang amo; hindi nila pinangangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos habang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin, hindi nila ginagampanan ang kanilang mga tungkulin habang namumuhay sa harap ng Diyos, pinaglilingkuran nila ang kanilang mga amo sa loob ng isang grupo ng mga anticristo—ito ang diwa ng kanilang gawain. Kaya naman, kahit anong gawin nila, hindi ito gugunitain. Ang mga taong ganito ay dapat alisin, ni hindi sila karapat-dapat na magserbisyo! Kung gayon, sa palagay ba ninyo ay nagiging ganito lamang ang mga taong katulad nila dahil sa nakakatagpo sila ng masasamang tao o dahil sa ginagawa nila ang ganitong uri ng gawain? Naiimpluwensiyahan ba sila ng kanilang mga kapaligiran, o nililigaw ba sila ng masasamang tao? (Wala sa dalawang ito.) Kung gayon, bakit sila nagkakaganito? (Sila ay ganitong uri ng tao sa kanilang kalikasang diwa.) Ang kalikasang diwa ng mga taong ito ay pareho sa kanilang mga among anticristo. Magkauri sila. Mayroon silang parehong mga hilig, kaisipan, at pananaw, pati na rin mga diskarte at pamamaraan sa paggawa ng mga bagay-bagay; mayroon silang parehong wika at landas ng paghahangad, at pareho ang kanilang mga hangarin, motibo, at pamamaraan sa pagkakanulo sa Diyos at panggugulo sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Isipin ninyo, pareho sila ng saloobin tungkol sa mga pagsasaayos ng gawain sa sambahayan ng Diyos, kung saan nagsisinungaling sila sa kanilang mga nakatataas at naglilihim ng mga bagay-bagay sa mga nasa ibaba nila. Mayroon silang mga patakaran para sa mga nasa itaas nila at mga estratehiya para sa mga nasa ibaba nila. Sa mga mas nakatataas sa kanila, ganap silang masunurin sa panlabas, at sa mga mas nakabababa sa kanila, nanggugulo sila habang gumagawa ng masama. Mayroon silang parehong mga diskarte at pamamaraan. Kapag pinupungusan sila ng Itaas, sinasabi nila, “Nagkamali ako, mali ako, masama ako, mapaghimagsik ako, isa akong diyablo!” At pagkatapos ay tatalikod sila at sasabihing: “Huwag nating ipatupad ang mga pagsasaayos ng gawain ng Itaas!” Pagkatapos nito, ginagawa lang nila ang kung anong gusto nila. Ganap na iniraraos lang nila ang pangangaral ng ebanghelyo, pinalalaki nila ang mga numerong inuulat nila, at nilalansi ang sambahayan ng Diyos. Ito ang mga pamamaraan ng mga grupong ito ng mga anticristo. Palagi nilang pinangangasiwaan ang mga pagsasaayos ng gawain gamit ang kanilang sariling mga estratehiya at pamamaraan—hindi ba’t nabunyag na ang kanilang mga demonyong mukha? Tao ba sila? Hindi, hindi sila tao, sila ay mga demonyo! Hindi tayo nakikipag-ugnayan sa mga demonyo, kaya magmadali tayong paalisin sila rito. Ayaw Kong makita ang kanilang malademonyong mukha; dapat silang umalis! Ang mga handang magserbisyo ay maaaring ipadala sa pangkat B, ang mga ayaw magserbisyo ay maaaring itiwalag. Tama ba ang hakbang na ito? (Oo.) Ito ang pinakaangkop na hakbang! Pare-pareho ang kanilang diwa, kaya kapag nag-uusap at kumikilos sila nang magkakasama, maayos at madali nila itong nagagawa, at kapag ginagawa nila ang mga bagay-bagay nang magkakasama, mayroong matibay na pagkakaisa at lihim na pagkakaunawaan sa pagitan nila. Sa sandaling ibuka ng mga among iyon ang kanilang bibig, anumang malademonyong bagay ang sabihin nila, agad na tatalima ang kanilang mga tagasunod, at sa puso ng mga tagasunod na ito, magiging masaya pa nga ang mga ito, iisipin na, “Tama ka, ganoon ang gawin natin! Masyadong maselan ang mga pagsasaayos ng gawain mula sa Itaas, hindi natin magagawa ang mga bagay-bagay nang ganoon.” Gaano man kahusay o kadetalyado ang pagkakabigkas sa mga pagsasaayos ng gawain ng Itaas, hindi ipapatupad ng mga taong ito ang mga pagsasaayos na iyon, at gaano man kabaluktot o kakakatwa ang mga bagay na sinasabi ng mga diyablo at ni Satanas, makikinig sila sa mga ito. Kung gayon, para kanino sila nagseserbisyo? Makakapagserbisyo ba ang mga ganitong tao sa sambahayan ng Diyos hanggang sa pinakahuli? (Hindi.) Hindi sila makakapagserbisyo hanggang sa pinakahuli. Nagpapakita man ng pagpapasensiya ang Diyos sa isang tao, o sa mga kilos ng isang diyablo, may hangganan lagi ang mga ito. Nagpapakita Siya ng pagtitimpi sa mga tao hangga’t maaari, ngunit kapag umabot na ito sa isang partikular na antas, ilalantad Niya ang mga dapat ilantad, at palalayasin ang mga dapat palayasin. Kapag umabot na sa puntong ito, wala nang magagawa ang mga taong iyon. Ito ay hindi lamang sa dahil hindi nila hinahangad o minamahal ang katotohanan, ito ay dahil salungat sa katotohanan ang kanilang kalikasang diwa. Isipin mo ito, sa tuwing nagsasalita ka tungkol sa mga positibong bagay, dalisay na pagkaunawa, o mga prinsipyo na naaayon sa katotohanan, hindi sila nakikinig. Kung mas dalisay ang iyong mga salita, mas sumasama ang loob nila. Sa sandaling magsimula kang magsalita tungkol sa mga katotohanang prinsipyo, hindi sila mapakali, at naghahanap sila ng mga paraan upang maiba ang usapan, upang mailipat ang atensiyon, o kaya ay pasimple silang nagsasalin ng inuming tubig. Sa sandaling magbahagi ka sa katotohanan o magsalita tungkol sa pagkilala sa iyong sarili, naiinis sila, at ayaw nilang makinig. Kung hindi man sila magbabanyo, nauuhaw o nagugutom naman sila, o kaya ay inaantok, o kailangan daw nilang sagutin ang isang tawag o asikasuhin ang isang bagay. Palagi silang may palusot, at hindi sila mapakali. Kung gagamitin mo ang kanilang mga pamamaraan, at babanggitin ang kanilang mga pahayag at diskarte na tanging nagdudulot ng mga pagkagambala at kaguluhan, magiging masigasig sila, at magagawa nilang magsalita nang magsalita. Kung hindi kayo magkapareho ng wika, magiging tutol sila sa iyo at iiwasan ka nila. Ito ay mga tipikal na diyablo! May ilang tao na, hanggang ngayon, hindi pa rin makakilatis sa ganitong uri ng diyablo, at iniisip nila na sadyang hindi lang hinahangad ng mga taong ito ang katotohanan. Bakit napakahina ng pag-iisip nila? Bakit nila nasasabi ang mga ganitong kamangmangan? Hindi lang ba talaga hinahangad ng mga taong iyon ang katotohanan? Hindi, sila ay masasamang demonyo, at tutol na tutol sila sa katotohanan. Ang mga taong iyon ay kumikilos nang maayos sa mga pagtitipon, pero pagkukunwari lang ang lahat ng iyon. Sa totoo lang, nakikinig ba talaga sila sa nilalaman na ibinabahagi o sa mga salita ng Diyos na binabasa sa mga pagtitipon? Ilang salita ang talagang pinakikinggan nila? Ilan ang tinatanggap nila? Sa ilan sila magpapasakop? Hindi man lang sila makapagsalita tungkol sa mga pinakasimple at pinakapangkaraniwang sinasalitang doktrina. Pagdating sa mga taong ganoon, gaano man sila katagal nang gumagawa, o kung ano man ang antas nila bilang lider o superbisor, hindi nila kayang mangaral ng mga sermon, o magsalita tungkol sa kanilang sariling mga karanasan. Kung may magsasabi, “Magsalita ka nang kaunti tungkol sa kaalaman mo sa isang bagay. Hindi mo kailangang magkaroon ng karanasan tungkol dito, magsalita ka lang tungkol sa mga kaalaman at pag-unawang mayroon ka tungkol dito,” hindi nila maibubuka ang kanilang bibig, parang sinelyuhan ang mga ito, at hindi man lang sila makapagsasalita tungkol sa ilang doktrina. Kung mapipilitan man silang magsalita tungkol dito, magiging nakakaasiwa at kakaiba ito pakinggan. Sinasabi ng ilang kapatid: “Kapag nangangaral ang ilang lider ng mga sermon, bakit kaya katunog nila ang mga guro na nagbabasa ng teksto sa mga bata? Bakit nakakaasiwa at kakaiba ang dating nito?” Ito ay tinatawag na hindi marunong mangaral ng mga sermon. At bakit hindi sila marunong mangaral ng mga sermon? Ito ay dahil wala silang katotohanang realidad. Bakit wala silang katotohanang realidad? Dahil hindi nila tinatanggap ang katotohanan, tutol sila rito sa kanilang puso, at lumalaban sila sa anumang prinsipyo o pahayag ng katotohanan. Kung sinasabing lumalaban sila, posibleng hindi mo ito makikita mula sa panlabas, kaya paano mo masasabing lumalaban sila? Gaano man magbahagi sa katotohanan ang sambahayan ng Diyos, itatatwa at tatanggihan nila ito sa puso nila, at lubos silang masusuklam dito. Gaano man magbahagi ang ibang tao sa kaalaman ng mga ito sa katotohanan, iisipin nila, “Maaaring pinaniniwalaan mo iyan, pero ako hindi.” Paano ba nila sinusukat kung ang isang bagay ang katotohanan? Hangga’t ito ay isang bagay na pinaniniwalaan nilang mabuti at tama, iisipin nila na ito ang katotohanan. Kung hindi nila gusto ang isang pahayag, kung gayon, kahit gaano pa ito katama, hindi nila ito ituturing bilang ang katotohanan. Kaya naman, kung titingnan natin ang ugat ng usaping ito, sa kaibuturan ng kanilang puso, lumalaban sila sa katotohanan, tutol sila sa katotohanan, at napopoot sila sa katotohanan. Ang katotohanan ay walang puwang sa puso nila—kinamumuhian nila ito. Maaaring hindi ito makita ng ilang tao, at sasabihing, “Hindi ko sila karaniwang nakikitang nagsasabi ng anumang bagay na nakakainsulto sa Diyos, lumalapastangan sa katotohanan, o lumalabag sa mga katotohanang prinsipyo.” Pagkatapos, mayroong isang katunayan na nakikita nila: Ang bawat partikular na detalyeng itinakda ng mga pagsasaayos ng gawain sa sambahayan ng Diyos ay kinakailangan, at ipinanukala upang maprotektahan ang mga interes ng gawain ng Diyos, ang pag-usad ng buhay ng mga hinirang ng Diyos, ang normal na kaayusan ng buhay-iglesia, at ang normal na pagpapalawig ng gawain ng ebanghelyo. Ang punto ng mga pagsasaayos ng gawain sa bawat yugto ng panahon, at ang partikular na pagtatakda, pag-oorganisa, at pagbabago sa bawat aspekto ng gawain, ay upang protektahan ang normal na pag-unlad ng gawain sa sambahayan ng Diyos, at higit pa rito, upang tulungan ang mga kapatid na makaunawa at makapasok sa mga katotohanang prinsipyo. Upang maging mas tumpak, masasabi na dinadala ng mga bagay na ito sa harap ng Diyos ang mga kapatid at tinutulungan silang makapasok sa mga katotohanang realidad, na inaakay at hinihila ng mga bagay na ito ang bawat tao pasulong, hinahawakan ang kanilang mga kamay habang nagtuturo, sumusuporta, at nagtutustos sa kanila. Pagdating sa pagpapatupad ng mga pagsasaayos ng gawain, ito man ay partikular na pagbabahagi tungkol dito sa mga pagtitipon, o pagpapalaganap nito sa pamamagitan ng berbal na salita, ang layon ay bigyang-daan ang mga hinirang ng Diyos na danasin ang gawain ng Diyos, at makamtan ang tunay na buhay pagpasok, at ito ay palaging kapaki-pakinabang sa buhay pagpasok ng mga hinirang ng Diyos. Walang ni isang pagsasaayos ang nakapipinsala sa gawain ng sambahayan ng Diyos o sa buhay pagpasok ng mga hinirang ng Diyos, at walang pagsasaayos ang lumilikha ng mga kaguluhan o pagkawasak. Gayunpaman, hindi kailanman nirerespeto o ipinapatupad ng mga anticristo ang mga pagsasaayos ng gawain na ito. Sa halip, kinamumuhian nila ang mga ito, iniisip na ang mga ito ay masyadong simple at hindi kapansin-pansin, na ang mga ito ay hindi kasinghusay ng kanilang mismong paggawa, at na hindi sila makatatanggap ng mas higit na pakinabang sa kanilang katanyagan, katayuan, at reputasyon habang ginagawa ang gawaing ito. Bilang resulta, hindi nila kailanman pinakikinggan o tinatanggap ang mga pagsasaayos ng gawain, at lalong hindi nila ipinapatupad ang mga ito. Sa halip, ginagawa nila ang gusto nila. Batay rito, sabihin mo sa Akin, sadya lang bang hindi hinahangad ng mga anticristo ang katotohanan? Mula sa puntong ito, malinaw mong makikita na napopoot sila sa katotohanan. Kung sinasabing napopoot sila sa katotohanan, hindi mo ito mahahalata, ngunit sa pagtingin sa kung paano pinangangasiwaan ng mga anticristong iyon ang pagpapatupad ng mga pagsasaayos ng gawain, mababatid mo ito. Napakalinaw na pagdating sa kung paano pinangangasiwaan ng mga huwad na lider at manggagawa ang mga pagsasaayos ng gawain, sa pinakamainam, iniraraos lang nila ang mga bagay-bagay, tinatalakay ang mga pagsasaayos ng gawain nang isang beses, at iyon lang. Matapos iyon ay hindi na nila isinasagawa nang tama ang pangungumusta at pagsusubaybay, o ang partikular na gawain. Ito ay mga huwad na lider. Ang mga huwad na lider, kahit papaano, ay kaya pa ring ipatupad ang mga pagsasaayos ng gawain, iraos ang mga bagay-bagay, at panatilihin ang mga ito. Samantala, hindi man lang mapanatili ng mga anticristo ang mga pagsasaayos ng gawain, sadyang tumatanggi silang tanggapin o ipatupad ang mga ito, at sa halip ay ginagawa nila ang gusto nila. Ano ang isinasaalang-alang nila? Ang kanilang sariling katayuan, kasikatan, at katanyagan. Isinasaalang-alang nila kung pinahahalagahan ba sila ng Itaas, kung ilang kapatid ang sumusuporta sa kanila, kung ilang puso ng mga tao ang may puwang sila, kung ilang puso ng mga tao ang pinamumunuan nila, kinokontrol ang mga taong iyon, at kung ilang tao ang pinaghaharian nila. May pakialam sila sa mga bagay na iyon. Hindi nila kailanman iniisip kung paano didiligan o tutustusan ang mga kapatid sa paglatag ng pundasyon sa tunay na daan, at lalong hindi nila iniisip kung kumusta ang buhay pagpasok ng mga kapatid, kung paano ginagampanan ng mga kapatid ang kanilang mga tungkulin, ito man ay pagpapalaganap ng ebanghelyo o iba pang uri ng tungkulin, o kung kaya ba ng mga kapatid na kumilos ayon sa mga prinsipyo, at kailanman ay wala silang pakialam kung paano dalhin ang mga kapatid sa harap ng Diyos. Wala silang pakialam sa mga bagay na iyon. Hindi ba’t nakalatag ang lahat ng katunayang ito sa harap ng iyong mga mata? Hindi ba’t ang mga ito ay mga pagpapamalas na madalas mong nakikita sa mga anticristo? Hindi ba’t sapat na patunay ang mga katunayang ito na ang mga taong ito ay napopoot sa katotohanan? (Oo.) Sa lahat ng panahon, ang tanging mga bagay na pinahahalagahan ng isang anticristo ay katayuan, kasikatan, at katanyagan. Sabihin nang itinakda mo ang isang anticristo na mamahala sa buhay-iglesia, upang magkaroon ng maayos na buhay-iglesia ang mga kapatid, at tulungan silang maunawaan ang katotohanan at mailatag ang kanilang mga pundasyon habang namumuhay ng buhay-iglesia, upang magtaglay ng tunay na pananampalataya sa Diyos, humarap sa Diyos, at magkaroon ng kakayahang mamuhay nang nakapag-iisa, at magkaroon ng pananalig na magampanan ang kanilang mga tungkulin. Sa ganoong paraan, ang gawain ng pagpapalawig ng ebanghelyo sa sambahayan ng Diyos ay magkakaroon ng ilang reserbang puwersa, at mas maraming mahuhusay na manggagawa ng ebanghelyo ang patuloy na matutustusan upang magampanan ang kanilang mga tungkulin sa pagpapalawig ng ebanghelyo. Ganoon ba ang iisipin ng anticristo? Talagang hindi ganoon ang iisipin niya. Sasabihin niya: “Ano ba ang halaga ng buhay-iglesia? Kung buong-pusong namumuhay ang lahat sa buhay-iglesia, at nagbabasa ng mga salita ng Diyos, at kung nauunawaan nilang lahat ang katotohanan, sino ang makikinig sa mga utos ko? Sinong magmamalasakit sa akin? Sino ang magbibigay-pansin sa akin? Hindi ko pwedeng hayaan ang lahat na tumuon sa buhay-iglesia sa lahat ng oras o na mahumaling sila rito. Kung ang lahat ay palaging nagbabasa ng mga salita ng Diyos, at kung ang lahat ay humarap na sa Diyos, sino ang maiiwan sa tabi ko?” Hindi ba’t ganito ang saloobin ng isang anticristo? (Oo.) Iniisip niya na kung tutuon siya sa pagtutustos sa mga kapatid sa pagkamit sa katotohanan at buhay, makasasama ito sa kanyang paghahangad ng katanyagan, pakinabang, at katayuan. Iniisip niya: “Kung igugugol ko ang lahat ng oras ko sa paggawa ng mga bagay para sa mga kapatid, magkakaroon pa ba ako ng panahon para hangarin ang katanyagan, pakinabang, at katayuan? Kung pupurihin ng lahat ng kapatid ang pangalan ng Diyos at susundin ang Diyos, wala nang matitira upang sumunod sa mga utos ko. Masyadong kahiya-hiya iyon para sa akin!” Ito ang mukha ng isang anticristo. Ang mga anticristo ay hindi lamang bastang nabibigong hangarin ang katotohanan; labis silang tutol sa katotohanan. Sa kanilang pansariling kamalayan, hindi nila sinasabing: “Napopoot ako sa katotohanan, napopoot ako sa Diyos, at napopoot ako sa lahat ng pagsasaayos ng gawain, sa mga pahayag, at sa mga pagsasagawa na kapaki-pakinabang sa mga kapatid.” Hindi nila ito sasabihin. Gumagamit lamang sila ng ilang paraan at pag-uugali para labanan ang mga pagsasagawa ng gawain sa sambahayan ng Diyos. Kaya, ang diwa ng mga paraan at pag-uugaling ito ay na ginagawa nila ang gusto nila, at hinihimok ang ibang tao na sumunod at sumunod sa kanila. Dahil dito, anuman ang gawin ng sambahayan ng Diyos, hindi nila ito rerespetuhin. Hindi ba’t ganito ang lagay? (Oo.) Maraming beses na tayong nagbahaginan noon tungkol sa mga pagpapamalas na ito ng mga anticristo. Maliit ang tayog ninyo, at mababaw ang inyong pagkaunawa sa katotohanan; napakaraming kasamaan ang ginawa ng mga anticristo sa harap mismo ng inyong mga mata, subalit nabigo kayong makilatis ito. Kayo ay hangal at kahabag-habag, manhid at mahina ang isip, hikahos at bulag. Ito ang inyong tunay na mga pagpapamalas at ang inyong tunay na tayog. Ang mga anticristo ay nagdudulot ng napakaraming gulo at ng napakalaking kawalan sa gawain ng sambahayan ng Diyos, at mayroon pa ring mga tao na nagsasabing dapat silang gamitin para magserbisyo. Ang paggamit sa kanila ay nagdudulot ng mas maraming pinsala kaysa sa kabutihan, ngunit hindi ninyo alam kung paano sila tanggalin o pangasiwaan—ilang taon pa ba ang aabutin para magbago ang tayog at mga ideya ninyong ito? Ang ilang tao ay palaging nagmamayabang, “Ako ay isang taong naghahangad sa katotohanan,” ngunit hindi nila makilatis ang mga anticristo kapag nakakatagpo nila ang mga ito, at maaaring sumusunod pa nga sila sa mga anticristong iyon—nasaan ang mga pagpapamalas ng kanilang paghahangad sa katotohanan? Narinig na nila ang napakaraming sermon, ngunit wala pa rin silang pagkilatis. Sige na, tatapusin Ko na rito ang pagbabahaginan natin tungkol sa paksang ito, at sa susunod ay pag-uusapan natin ang tungkol sa ating pangunahing paksa.
Sa huli nating pagtitipon, nagbahaginan tayo tungkol sa paksa na nauugnay sa mga ekspektasyon ng magulang sa loob ng “pagbitiw sa mga pasanin na nagmumula sa pamilya.” Tapos na tayong magbahaginan tungkol sa mga nauugnay na prinsipyo at pangunahing paksa na sangkot dito. Sunod tayong magbabahaginan tungkol sa isa pang aspekto ng pagbitiw sa mga pasanin na nagmumula sa pamilya—ang pagbitiw sa mga ekspektasyon sa anak. Sa pagkakataong ito, magpapalit tayo ng papel. Tungkol sa paksa na may kinalaman sa mga ekspektasyon ng magulang, ito ang ilang bagay na dapat gawin ng mga tao mula sa perspektiba ng isang anak. Pagdating sa kung paano dapat harapin at pangasiwaan ng mga anak ang iba’t ibang ekspektasyon sa kanila ng kanilang mga magulang, at ang iba’t ibang paraan na ginagamit ng kanilang mga magulang sa kanila, at kung anong mga prinsipyo ang dapat nilang isagawa, ito ay tungkol sa tamang pagharap sa iba’t ibang problema na nagmumula sa mga magulang mula sa perspektiba ng isang anak. Ngayon, magbahaginan tayo tungkol sa paksang “ang pagbitiw sa mga ekspektasyon sa anak,” na hinggil sa pangangasiwa sa iba’t ibang problema ng mga tao tungkol sa kanilang mga anak mula sa perspektiba ng isang magulang. May mga aral na dapat matutunan at mga prinsipyong dapat sundin dito. Bilang anak, ang pinakamahalaga ay kung paano mo dapat harapin ang mga ekspektasyon ng iyong mga magulang, kung anong uri ng saloobin ang dapat mong panghawakan sa mga ekspektasyong ito, pati na rin kung paano ka dapat na sumunod, at anong mga prinsipyo ng pagsasagawa ang dapat mong taglayin sa sitwasyong ito. Natural na ang bawat tao ay may pagkakataon na maging isang magulang, o maaaring isa na silang magulang; ito ay may kinalaman sa mga ekspektasyon at saloobin na mayroon ang mga tao sa kanilang mga anak. Ikaw man ang magulang o ang anak, dapat kang magtaglay ng iba’t ibang prinsipyo sa pagharap sa mga ekspektasyon ng kabilang panig. Ang mga anak ay may mga prinsipyong dapat nilang sundin pagdating sa pagharap sa mga ekspektasyon ng kanilang mga magulang, at natural na may mga katotohanang prinsipyo rin na dapat sundin ang mga magulang para sa pagharap sa mga ekspektasyon ng kanilang mga anak. Kaya’t isipin muna ito, anong mga prinsipyo ang nakikita o naiisip ninyo ngayon na dapat sundin ng mga magulang sa kanilang pagtrato sa mga anak nila? Kung pag-uusapan natin ang tungkol sa mga prinsipyo, maaaring medyo abstrakto ito sa inyo, at maaaring masyadong malawak at malalim ang paksa, kaya, sa halip ay pag-usapan natin kung ano ang magiging mga ekspektasyon mo para sa iyong mga anak kung ikaw ay isang magulang. (Diyos ko, kung magiging isa akong magulang balang araw, una sa lahat, sana ay magiging malusog ang mga anak ko, at lumaki silang malusog. At saka, sana magkaroon sila ng sarili nilang mga pangarap at mapuno sila ng ambisyon sa pagtupad ng kanilang mga pangarap sa buhay, na magkaroon sila ng magandang kinabukasan. Ito ang dalawang pangunahing bagay na nanaisin ko.) Nanaisin mo ba na maging opisyal na may mataas na ranggo ang mga anak mo o na maging napakayaman nila? (Nanaisin ko rin ang mga bagay na iyon. Nanaisin ko na kahit papaano ay umunlad sila sa buhay, maging mas mahusay kaysa sa ibang tao, at tingalain sila ng iba.) Ang mga pinakabatayang hinihingi ng mga magulang sa kanilang mga anak ay na maging malusog ang katawan ng mga ito, na magtagumpay ang mga ito sa kanilang propesyon, umunlad sa buhay, at maging maayos ang takbo ng lahat ng aspekto ng buhay ng mga ito. Mayroon bang iba’t ibang ekspektasyon ang mga magulang para sa kanilang mga anak? Kung sino man ang may anak, magsalita kayo. (Nais kong maging malusog ang mga anak ko, at sana ay maging maayos ang takbo ng kanilang buhay, at maging mapayapa at ligtas ang kanilang buhay. Sana ay makasundo nila ang kanilang pamilya, at na magagawa nilang respetuhin ang matatanda at alagaan ang mga bata.) May nais pa ba kayong idagdag? (Kung ako ay magiging isang magulang balang araw, bukod sa mga ekspektasyong nabanggit na, nanaisin ko rin na magiging masunurin at matino ang mga anak ko, na magiging mabuting anak sila sa akin, at na makakaasa ako na aalagaan nila ako sa aking pagtanda.) Napakahalaga ng ekspektasyong ito. Ang pag-asam ng mga magulang na magpapakita ng pagkamabuting anak sa kanila ang kanilang mga anak ay isang relatibong tradisyonal na ekspektasyon na taglay ng mga tao sa kanilang mga kuru-kuro at isipan. Ito ay medyo tipikal na bagay.
Ang pagbitiw sa mga ekspektasyon sa anak ay isang napakahalagang parte ng pagbitiw sa mga pasanin na nagmumula sa pamilya. May ilang ekspektasyon ang lahat ng magulang sa kanilang mga anak. Malaki man o maliit ang mga ito, malapit o malayo, ang mga ekspektasyong ito ay isang saloobin na mayroon ang mga magulang sa pag-asal, kilos, buhay ng kanilang mga anak, o sa kung paano sila hinaharap ng kanilang mga anak. Ang mga ito ay isa ring uri ng partikular na hinihingi. Ang mga partikular na hinihinging ito, mula sa perspektiba ng kanilang mga anak, ay mga bagay na dapat gawin ng kanilang mga anak, dahil, batay sa mga tradisyonal na kuru-kuro, hindi pwedeng sumuway ang mga bata sa utos ng kanilang mga magulang—kung gagawin nila iyon, hindi sila mabuting anak. Dahil dito, malalaki at mabibigat na pasanin ang dinadala ng maraming tao tungkol sa bagay na ito. Kaya, hindi ba’t dapat maunawaan ng mga tao kung makatwiran ba o hindi ang mga partikular na ekspektasyon ng mga magulang para sa kanilang mga anak, at kung dapat bang mayroong ganitong mga ekspektasyon ang kanilang mga magulang o hindi, pati na rin kung alin sa mga ekspektasyong ito ang makatwiran, alin ang hindi makatwiran, alin ang marapat, at alin ang sapilitan at hindi marapat? Higit pa rito, mayroong mga katotohanang prinsipyo na dapat unawain at sundin ng mga tao pagdating sa kung paano nila dapat harapin ang mga ekspektasyon ng magulang, kung paano nila dapat tanggapin o tanggihan ang mga ito, at kung anong saloobin at perspektiba ang dapat nilang gamitin sa pagtingin at pagharap sa mga ekspektasyong ito. Kapag hindi nalutas ang mga bagay na ito, madalas na dinadala ng mga magulang ang mga ganitong uri ng pasanin, iniisip na responsabilidad at obligasyon nila na magkaroon ng mga ekspektasyon sa kanilang mga anak, at natural na mayroong higit pang mga bagay na dapat nilang taglayin. Iniisip nila na kung wala silang mga ekspektasyon sa kanilang mga anak, kapareho lang ito ng hindi pagtupad sa kanilang mga responsabilidad o obligasyon sa kanilang mga anak, at katumbas ng hindi paggawa sa mga dapat gawin ng mga magulang. Iniisip nila na magiging masamang magulang sila kung gagawin nila ito, mga magulang na hindi tumutupad sa kanilang mga responsabilidad. Samakatuwid, pagdating sa usapin ng mga ekspektasyon nila sa kanilang mga anak, di-sinasadyang bumubuo ng iba’t ibang hinihingi ang mga tao para sa kanilang mga anak. Mayroon silang iba’t ibang hinihingi para sa iba’t ibang anak sa iba’t ibang panahon at sa ilalim ng iba’t ibang sitwasyon. Dahil sa ganitong uri ng pananaw at pasanin nila pagdating sa kanilang mga anak, ginagawa ng mga magulang ang mga bagay na dapat nilang gawin ayon sa mga di-opisyal na panuntunang ito, tama man o mali ang mga ito. Mayroong mga hinihingi ang mga magulang sa kanilang mga anak habang tinatrato ang mga pamamaraang ito bilang isang obligasyon at responsabilidad, at kasabay nito, ipinipilit nila ang mga ito sa kanilang mga anak, hinihimok ang kanilang mga anak na tamuhin ang mga ito. Hahatiin natin ang usaping ito sa ilang bahagi sa ating pagbabahaginan; mas magiging malinaw ito sa ganoong paraan.
Bago umabot sa hustong gulang ang kanilang mga anak, nagpanakula na ang mga magulang ng iba’t hinihingi para sa kanilang mga anak. Siyempre, sa loob ng iba’t ibang hinihinging ito, nagtatakda rin sila sa kanilang mga anak ng iba’t ibang uri ng ekspektasyon. Kaya, habang itinatakda ng mga magulang ang iba’t ibang ekspektasyon sa kanilang mga anak, personal silang nagbabayad ng iba’t ibang halaga at gumagawa ng iba’t ibang uri ng paraan para maisakatuparan ang mga ekspektasyong ito. Kaya, bago umabot sa hustong gulang ang mga anak, tinuturuan sila ng kanilang mga magulang gamit ang iba’t ibang paraan, at mayroong iba’t ibang hinihingi sa kanila ang mga magulang. Halimbawa, mula sa napakamurang edad, sinasabi ng mga magulang sa kanilang mga anak: “Kailangan mong mag-aral nang mabuti at nang higit pa. Magiging mas magaling ka lang kaysa sa iba at hindi ka mamaliitin ng iba kung mag-aaral ka nang mabuti.” Mayroon ding mga magulang na nagtuturo sa kanilang mga anak na, paglaki ng mga ito, kailangan maging mabuting anak sa kanila ang mga ito, hanggang sa punto na, kahit dalawa o tatlong taong gulang pa lang ang kanilang mga anak, palagi nilang tinatanong ang mga ito: “Aalagaan mo ba ang papa mo kapag malaki ka na?” At sinasabi ng kanilang mga anak: “Opo.” Nagtatanong sila: “Aalagaan mo ba ang mama mo?” “Opo.” “Sino ang mas mahal mo: si papa mo o si mama mo?” “Mahal ko ang papa ko.” “Hindi, kailangan mo munang sabihin na mahal mo ang mama mo, tapos, sabihin mo na mahal mo ang papa mo.” Natututuhan ng kanilang mga anak ang mga bagay na ito mula sa kanilang mga magulang. Ang pagtuturo ng kanilang mga magulang, sa pamamagitan man ng salita o ng halimbawa, ay may malalim na impluwensiya sa murang isipan ng mga bata. Siyempre, nagbibigay din ito sa kanila ng partikular na dami ng kaalaman, tinuturuan sila nito na ang kanilang mga magulang ay ang mga taong pinakanagmamahal at pinakanagmamalasakit sa kanila sa mundo, at ang mga taong pinakanararapat nilang pakitaan ng pagsunod at pagiging mabuting anak. Natural na nakikintal sa kanilang murang isipan ang ideya na “Dahil ang mga magulang ko ang mga taong pinakamalapit sa akin sa mundo, dapat palagi ko silang sundin.” Kasabay nito, umuusbong ang isang ideya sa kanilang murang isipan—na sapagkat ang mga magulang nila ang mga taong pinakamalapit sa kanila, ang lahat ng ginagawa ng kanilang mga magulang ay dapat para tiyakin na magkaroon ng magandang buhay ang kanilang mga anak. Dahil dito, iniisip nila na dapat nilang tanggapin nang walang kondisyon ang mga ginagawa ng kanilang mga magulang; kahit anong uri ng pamamaraan ang ginagamit ng mga ito, makatao man o hindi ang mga ito, naniniwala sila na dapat nilang tanggapin ang mga ito. Kapag nasa edad pa sila na hindi pa nila kayang makilatis ang tama sa mali, ang turo ng kanilang mga magulang, sa pamamagitan ng mga salita o ng halimbawa, ay nagtatanim ng ganitong uri ng ideya sa isipan nila. Habang nasa ilalim ng ganitong uri ng ideya, maaaring ipagawa ng mga magulang ang iba’t ibang bagay sa kanilang mga anak, sa likod ng pagkukunwaring nais lang nila kung ano ang makabubuti para sa kanilang mga anak. Kahit na ang ilan sa mga bagay na iyon ay hindi naaayon sa pagkatao, o sa mga talento, kakayahan, o kagustuhan ng kanilang mga anak, sa ganitong mga sitwasyon, kung saan walang karapatang kumilos nang kusa o nang nakapagsasarili ang kanilang mga anak, walang magagawa at walang kakayahan ang mga anak na tumutol sa mga diumano’y ekspektasyon at hinihingi ng kanilang mga magulang. Ang magagawa lang nila ay sundin ang bawat sabihin ng kanilang mga magulang, hayaang masunod ang gusto ng kanilang mga magulang, hayaang kontrolin sila ng kanilang mga magulang, at akayin sila ng kanilang mga magulang sa anumang uri ng landas. Samakatuwid, bago umabot sa hustong gulang ang kanilang mga anak, ang lahat ng ginagawa ng mga magulang, ito man ay hindi sinasadya o may mabuting intensiyon, ay magkakaroon ng kaunting positibo o negatibong epekto sa asal at kilos ng kanilang mga anak. Ibig sabihin, ang lahat ng kanilang ginagawa ay magtatanim ng iba’t ibang ideya at pananaw sa kanilang mga anak, at maaari pa nga na naibaon nang malalim sa isipan ng kanilang mga anak ang mga ideya at pananaw na ito, upang kapag nasa hustong gulang na ang mga anak, malalim pa ring maiimpluwensiyahan ng mga ideya at pananaw na ito ang pagtingin ng mga anak sa mga tao at bagay, ang kanilang pag-asal at pagkilos, at maging ang mga landas na tinatahak nila.
Bago sila umabot sa hustong gulang, hindi makatutol ang mga bata sa kanilang mga kapaligiran ng pamumuhay, sa kanilang minana, o sa itinuro ng kanilang mga magulang sa kanila, dahil wala pa sila sa hustong gulang, at hindi pa nila masyadong nauunawaan ang mga bagay-bagay. Kapag nagsasalita Ako tungkol sa panahong bago umabot sa hustong gulang ang isang bata, ang tinutukoy Ko ay kapag ang isang bata ay hindi pa naiisip o natutukoy kung ano ang tama at mali nang mag-isa. Sa mga sitwasyong ito, maaari lamang hayaan ng mga bata na kontrolin sila ng kanilang mga magulang. Ito ay dahil mismo ang mga magulang ang nagdedesisyon tungkol sa lahat ng bagay bago umabot sa hustong gulang ang kanilang mga anak, na sa panahon ng masamang yugtong ito, gagamitin ng mga magulang ang mga kaukulang pamamaraan ng pagtuturo, mga ideya, at mga pananaw batay sa mga kalakarang panlipunan, para udyukan ang kanilang mga anak na gawin ang ilang bagay. Halimbawa, napakatindi ng kompetisyon ngayon sa lipunan. Naimpluwensiyahan ang mga magulang ng iba’t ibang kalakaran at kasunduan sa lipunan, kaya tinatanggap nila ang ideyang ito na matindi ang kompetisyon, at agad nila itong ipinapasa sa kanilang mga anak. Tinatanggap nila na napakatindi ng penomena at ng kalakaran ng kompetisyon sa lipunan, pero ang nararamdaman nila ay isang uri ng presyur. Kapag naramdaman nila ang presyur na ito, agad nilang naiisip ang kanilang mga anak, sinasabing: “Napakatindi ng kompetisyon sa lipunan ngayon, hindi naman ganito noong kabataan namin. Kung ang mga anak namin ay mag-aaral, magtatrabaho, at haharap sa lipunan, at sa iba’t ibang tao at bagay sa paraang pareho sa ginawa namin noon, madali silang ititiwalag ng lipunan. Kaya, dapat naming samantalahin na bata pa sila, kailangan naming umpisahang impluwensiyahan sila ngayon—hindi namin pwedeng hayaang matalo ang aming mga anak sa simula pa lang.” Matindi ang kompetisyon ngayon sa lipunan, at lahat ng tao ay may malalaking inaasam para sa kanilang mga anak, kaya’t agad nilang ipinapasa sa kanilang mga anak ang presyur na ito na tinanggap nila mula sa lipunan. Ngayon, alam ba ito ng kanilang mga anak? Dahil wala pa sa hustong gulang ang kanilang mga anak, hindi nila ito alam. Hindi nila alam kung tama o mali ang presyur na ito na mula sa kanilang mga magulang, o kung dapat ba nilang tanggihan o tanggapin ito. Kapag nakikita ng mga magulang na kumikilos nang ganito ang kanilang mga anak, sinasaway nila ang mga ito: “Bakit ba napakahangal mo? Masyadong matindi ang kompetisyon ngayon sa lipunan, at wala ka pa ring naiintindihan. Bilisan mo at mag-aral ka na sa kindergarten!” Sa anong edad nag-aaral sa kindergarten ang mga bata? Ang ilan sa kanila ay nagsisimula kapag tatlo o apat na taong gulang na sila. Bakit ganito? Sa lipunan ngayon, pinapakalat ang isang parirala: Hindi mo pwedeng hayaang matalo ang iyong mga anak sa simula pa lang, ang edukasyon ay dapat magsimula sa napakamurang edad. Kita mo, nagdurusa ang mga bata sa nakapamurang edad, at nagsisimula na sila sa kindergarten kahit tatlo o apat na taong gulang pa lang sila. At anong uri ng kindergarten ang pinipili ng mga tao? Sa mga ordinaryong kindergarten, madalas na naglalaro ang mga guro ng “Ang Agila at ang mga Manok” kasama ang mga bata, kaya iniisip ng mga magulang na hindi nila pwedeng piliin ang mga ganoong kindergarten. Naniniwala sila na kailangan nilang pumili ng isang magara at bilingual na kindergarten. At para sa kanila, hindi sapat ang matuto ng isang wika lamang. Kahit hindi pa magaling magsalita ang mga bata sa kanilang sariling wika, kailangan pa nilang matuto ng pangalawang wika. Hindi ba’t pagpapahirap ito sa mga bata? Ngunit ano ang sinasabi ng mga magulang? “Hindi natin pwedeng hayaang matalo ang anak natin sa simula pa lang. Sa panahon ngayon, mayroong mga isang taong gulang na bata na tinuturuan ng mga yaya sa bahay. Sariling wika ang sinasalita ng mga magulang ng mga bata, at ang mga yaya ay nagsasalita ng ibang wika, tinuturuan ang mga bata ng Ingles, Espanyol, o Portuges. Apat na taong gulang na ang anak namin, medyo matanda na siya. Kung hindi natin sisimulan ang pagtuturo sa kanya ngayon, magiging huli na ang lahat. Kailangan nating simulan ang pagtuturo sa kanya nang maaga hangga’t maaari, at maghanap tayo ng kindergarten na nagtuturo gamit ang dalawang wika, kung saan may bachelor’s at master’s degree ang mga guro.” Sinasabi ng mga tao: “Masyadong mahal ang ganoong paaralan.” Sumasagot sila: “Ayos lang. Malaki ang bahay namin; pwede kaming lumipat sa mas maliit na bahay. Ibebenta namin ang aming bahay na may tatlong silid at papalitan ito ng may dalawang silid lang. Iipunin namin ang perang iyon at gagamitin para pag-aralin ang anak namin sa isang magarang kindergarten.” Hindi sapat ang pagpili ng magandang kindergarten, sa tingin nila ay kailangan nilang kumuha ng mga tutor para tulungan ang kanilang mga anak na mag-aral para sa Mathematical Olympiad sa bakanteng oras ng mga ito. Kahit na likas na ayaw ng kanilang mga anak na mag-aral para dito, kailangan pa rin itong gawin ng mga anak nila, at kung mabibigo ang mga ito sa pag-aaral nito, kung gayon, mag-aaral ang mga ito ng pagsayaw. Kung hindi sila magaling sumayaw, mag-aaral silang kumanta. Kung hindi sila magaling kumanta, at nakita ng kanilang mga magulang na maganda ang kanilang katawan, at mahahaba ang kanilang braso at binti, iisipin ng mga magulang nila na pwede silang maging isang modelo. Pagkatapos ay ipapadala sila ng kanilang mga magulang sa art school para mag-aral ng pagmomodelo. Dahil dito, ipinapadala ang mga bata sa mga boarding school sa edad na apat o lima, at mula sa tatlong silid ay nagiging dalawang silid na lang ang bahay ng kanilang pamilya, mula sa dalawang silid ay nagiging isang silid, mula sa isang silid ay nagiging isang inuupahang bahay na lamang. Lalong dumarami ang mga tutoring session na dinadaluhan ng kanilang mga anak sa labas ng paaralan, at unti-unting lumiliit ang kanilang mga tahanan. May mga magulang pa nga na buong pamilya nila ang kanilang inililipat papunta sa timog, sa hilaga, nagpapabalik-balik sila, upang makapasok sa magagandang paaralan ang kanilang mga anak, at sa huli, hindi na nila alam kung saan sila pupunta, hindi alam ng kanilang mga anak kung saan ang kanilang bayang tinubuan, at napakagulo ng lahat ng bagay-bagay. Nagbabayad ng iba’t ibang halaga ang mga magulang, bago umabot sa hustong gulang ang kanilang mga anak, para sa kinabukasan ng kanilang mga anak, upang hindi matalo ang kanilang mga anak sa simula pa lang, at upang makaangkop ang kanilang mga anak sa lipunang ito na labis na mapagkompentensiya, at magkaroon ang mga ito ng magandang trabaho at regular na kita kalaunan. Ang ilang magulang ay napakahusay, nagpapatakbo sila ng malalaking negosyo o nagsisilbi bilang matataas na opisyal, at namumuhunan sila nang napakalaki para sa kanilang mga anak. Ang ibang magulang naman ay hindi gaanong mahusay, ngunit katulad ng iba, nais nilang ipadala ang kanilang mga anak sa magagarang paaralan, sa iba’t ibang klase pagkatapos ng eskuwela, mga klase sa sayaw, mga klase sa sining, upang mag-aral ng iba’t ibang wika at musika, pini-presyur at pinahihirapan nang husto ang kanilang mga anak. Iisipin tuloy ng kanilang mga anak: “Kailan kaya ako papayagang maglaro nang kaunti? Kailan ako lalaki at makapagdedesisyon tulad ng ginagawa ng matatanda? Kailan kaya ako hindi na kailangang pumasok sa eskuwela, tulad ng isang matanda? Kailan ako makakapanood ng TV, mawawalan ng alalahanin, at maglalakad-lakad sa isang lugar nang mag-isa, nang hindi laging kinokontrol ng aking mga magulang?” Pero madalas na sinasabi ng kanilang mga magulang: “Kung hindi ka mag-aaral, kakailanganin mong manlimos ng pagkain sa hinaharap. Tingnan mo nga, kakaunti pa lang ang kakayahan mo! Hindi pa oras para maglaro ka, pwede kang maglaro kapag matanda ka na! Kung ngayon ka maglalaro, hindi ka magtatagumpay sa hinaharap; kung saka ka na maglalaro, mas masisiyahan ka, pwede kang maglakbay sa buong mundo. Hindi mo ba nakita ang lahat ng mayayamang taong iyon sa mundo—naglaro ba sila noong bata pa sila? Nag-aral lang sila.” Nagsisinungaling lang sa kanila ang kanilang mga magulang. Nakita ba mismo ng kanilang mga magulang na ang mayayamang taong iyon ay nag-aral lang at hindi kailanman naglaro? Naiintindihan ba nila ang bagay na ito? Ang ilan sa mga mayaman at pinakamaperang tao sa mundo ay hindi nag-aral sa unibersidad—isa itong katunayan. Minsan, kapag nagsasalita ang mga magulang, nilalansi lang nila ang kanilang mga anak. Bago umabot sa hustong gulang ang kanilang mga anak, nagsasabi ng maraming kasinungalingan ang mga magulang upang mas makontrol ang kinabukasan ng kanilang mga anak, at makontrol ang mga ito at mapasunod sa kanila. Siyempre, tinitiis din nila ang iba’t ibang paghihirap, at nagbabayad sila ng iba’t ibang halaga para dito. Ito ang tinatawag na “kapuri-puring pagmamahal ng isang magulang.”
Upang maisakatuparan ang kanilang mga ekspektasyon sa kanilang mga anak, maraming pangarap ang itinatakda ngmga magulang sa kanilang mga anak. Dahil dito, hindi lamang nila tinuturuan, ginagabayan, at iniimpluwensiyahan ang kanilang mga anak gamit ang kanilang mga salita, kasabay nito, gumagamit din sila ng mga kongkretong aksyon para kontrolin at pasunurin ang kanilang mga anak, para kumilos at mamuhay ayon sa landas at direksiyong itinakda nila. Handa man o hindi ang kanilang mga anak na gawin ito, sa huli, isa lang ang sinasabi ng mga magulang: “Kung hindi ka makikinig sa akin, magsisisi ka! Kung hindi mo ako susundin o hindi mo seseryosohin ang pag-aaral mo ngayon, at magsisisi ka balang araw, huwag kang pupunta sa akin, huwag mong sabihing hindi kita pinagsabihan!” Isang beses, pumunta kami sa isang gusali para magsagawa ng ilang gawain, at nakita namin ang ilang taong tagapaglipat na nagsisikap nang husto para maiakyat ang ilang kagamitan sa itaas ng hagdan. Kaharap nila ang isang ina na inaakay ang kanyang anak pababa ng hagdan. Kung makikita ng isang normal na tao ang eksenang ito, sasabihin niya: “May mga taong naglilipat ng kagamitan, tumabi muna tayo.” Ang mga taong bumababa ay kakailanganing magmadali na tumabi, nang hindi nakakabangga ng kagamitan, o nakakaabala sa mga tagapaglipat ng gamit. Ngunit nang makita ng ina ang eksenang ito, sinamantala niya ang pagkakataon para makapagturo tungkol sa isang sitwasyon. Tandang-tanda ko pa ang napakalinaw niyang sinabi. Ano ang sinabi niya? Sabi niya: “Tingnan mo kung gaano kabigat ang inililipat nilang mga gamit, at kung gaano ito ka-nakakapagod. Hindi nila sineryoso ang kanilang pag-aaral noong bata sila, kaya ngayon, hindi sila makahanap ng magandang trabaho, kaya kailangan nilang maglipat ng mga kagamitan at magtrabaho nang husto. Nakikita mo ba?” Mukha namang bahagyang nakaunawa ang anak, at naniwala na tama ang sinabi ng kanyang ina. May totoong takot, pangamba, at paniniwala na lumitaw sa kanyang mga mata, at tumango siya, muling tiningnan ang mga tagapaglipat ng gamit. Sinamantala ng ina ang pagkakataong ito para agad na turuan ang kanyang anak, sinasabing: “Nakikita mo? Kung hindi mo seseryosohin ang iyong pag-aaral habang bata ka pa, kung gayon, paglaki mo, kakailanganin mong maglipat ng mga kagamitan at magtrabaho nang husto gaya nila para makapaghanapbuhay.” Tama ba ang mga pahayag na ito? (Hindi.) Bakit mali ang mga ito? Sinusunggaban ng inang ito ang kahit anong pagkakataon para pangaralan ang kanyang anak—ano sa palagay mo ang naging mentalidad ng kanyang anak pagkatapos itong marinig? Nakilatis ba niya kung tama o mali ang mga pahayag na ito? (Hindi.) Kung gayon, ano ang inisip niya? (“Kung hindi ko seseryosohin ang aking pag-aaral, kakailanganin kong magtrabaho nang husto gaya nito sa hinaharap.”) Naisip niya: “Naku, lahat ng taong kinakailangang magtrabaho nang husto ay hindi nagseryoso sa kanilang pag-aaral. Dapat akong makinig sa mama ko, at paghusayan ko ang aking pag-aaral. Tama si mama, ang lahat ng hindi nag-aaral ay kinakailangang magtrabaho nang husto.” Ang mga ideyang natanggap niya mula sa kanyang ina ay nagiging mga panghabang-buhay na katotohanan sa kanyang puso. Sabihin mo sa Akin, hindi ba’t hangal ang magulang na ito? (Oo.) Paano siya naging hangal? Kung ginagamit niya ang bagay na ito para piliting mag-aral ang kanyang anak, tiyak bang magtatagumpay ang kanyang anak? Magagarantiya ba nito na hindi na kailangang magtrabaho nang husto o magpakapagod ng kanyang anak sa hinaharap? Mabuti bang gamitin niya ang bagay na ito, ang eksenang ito, para takutin ang kanyang anak? (Masama ito.) Mag-iiwan ito ng panghabang-buhay na epekto sa kanyang anak. Hindi ito mabuting bagay. Kahit pa magkaroon ang batang ito ng kaunting pagkilatis sa mga salitang ito paglaki niya, magiging mahirap pa ring alisin sa kanyang puso at isipan ang teoryang ito na itinuro ng kanyang ina. Sa isang antas, magdudulot ito ng maling impresyon at lilimitahan nito ang kanyang pag-iisip, at iimpluwensiyahan ang kanyang mga pananaw sa mga bagay-bagay. Karamihan sa mga ekspektasyon ng mga magulang sa kanilang mga anak bago umabot sa hustong gulang ang mga ito ay na makakapag-aral ang mga ito nang mabuti, magsusumikap, magiging masipag, at hindi mabibigong tugunan ang kanilang mga ekspektasyon. Kaya naman, bago umabot sa hustong gulang ang kanilang mga anak, anuman ang maging kabayaran, ginagawa ng mga magulang ang lahat para sa kanilang mga anak, isinasakripisyo ang sarili nilang kabataan, mga taon, at oras, pati na rin ang kanilang sariling kalusugan at normal na pamumuhay, at isinusuko pa nga ng ilang magulang ang sarili nilang trabaho, ang kanilang mga dating pangarap, o maging ang sarili nilang pananampalataya, para turuan ang kanilang mga anak at tulungan ang mga ito na makapag-aral habang pumapasok ang mga ito sa paaralan. Sa iglesia, marami-raming tao ang gumugol ng lahat ng kanilang oras kasama ang kanilang mga anak, tinuturuan nila ang mga ito, para nasa tabi sila ng kanilang mga anak habang lumalaki ang mga ito, upang magtagumpay ang kanilang mga anak sa magiging propesyon ng mga ito at magkaroon ng matatag na trabaho sa hinaharap, at upang maging maayos ang takbo ng mga bagay-bagay sa trabaho ng kanilang mga anak. Ang mga magulang na ito ay hindi pumupunta sa mga pagtitipon o gumagampan ng mga tungkulin. Mayroon silang mga partikular na hinihingi sa puso nila ukol sa sarili nilang pananampalataya, at nagtataglay sila ng kaunting determinasyon at ambisyon, ngunit dahil hindi nila kayang bitiwan ang kanilang mga ekspektasyon sa kanilang mga anak, pinipili nilang samahan ang mga ito sa yugtong ito bago umabot sa hustong gulang ang mga ito, tinatalikuran ang sarili nilang mga tungkulin bilang nilikha, at ang sarili nilang mga paghahangad tungkol sa kanilang pananampalataya. Ito ang pinakanakakalungkot sa lahat. May mga magulang na nagbabayad ng malalaking halaga para makapagsanay ang kanilang mga anak na maging artista, alagad ng sining, manunulat, o siyentista, at para matugunan ng kanilang mga anak ang mga ekspektasyon nila. Nagbibitiw sila sa kanilang trabaho, tinatalikuran ang kanilang propesyon, at tinatalikuran pa nga nila ang sarili nilang mga pangarap at kasiyahan para masamahan ang kanilang mga anak. Mayroon pa ngang mga magulang na isinusuko ang kanilang buhay may-asawa para sa kanilang mga anak. Pagkatapos nilang makipagdiborsiyo, inaako nila ang mabigat na pasanin ng pagpapalaki at pagtuturo sa kanilang mga anak nang mag-isa, itinataya ang kanilang buhay para sa kanilang mga anak, at inilalaan ito para sa kinabukasan ng kanilang mga anak, para lang maisakatuparan nila ang kanilang mga ekspektasyon sa kanilang mga anak. May ilang magulang din na gumagawa ng maraming bagay na hindi nila dapat gawin, na nagbabayad ng maraming halaga na hindi kinakailangan, nagsasakripisyo ng kanilang sariling oras, kalusugan, at mga paghahangad bago pa umabot sa hustong gulang ang kanilang mga anak, upang magtagumpay ang kanilang mga anak sa hinaharap, at magkaroon ng posisyon sa lipunan. Sa isang aspekto, para sa mga magulang, ito ay mga hindi kinakailangang sakripisyo. Sa isa pang aspekto, para sa mga anak, malaking presyur at mabigat na pasanin ang mga pamamaraang ito para sa kanila bago pa sila umabot sa hustong gulang. Ito ay dahil ang kanilang mga magulang ay nagbayad na ng napakaraming halaga, dahil masyado nang marami ang iginugol ng kanilang mga magulang pagdating sa salapi, oras, o enerhiya. Gayunpaman, bago pa umabot sa hustong gulang ang mga anak na ito, at habang wala pa silang kakayahang makilatis ang tama sa mali, wala silang magagawa kundi hayaan na lang na gawin ito ng kanilang mga magulang. Kahit na mayroon silang mga iniisip sa kaloob-looban ng kanilang isipan, sumusunod pa rin sila sa mga kilos ng kanilang mga magulang. Sa mga sitwasyong ito, hindi namamalayang naiisip ng mga anak na nagbayad ng mga napakalaging halaga ang kanilang mga magulang para maturuan sila, at napapaisip din sila na hindi nila ganap na mababayaran o masusuklian ang kanilang mga magulang sa buhay na ito. Bilang resulta, sa panahong nagtuturo at sumasama sa kanila ang kanilang mga magulang, iniisip nila na ang mga tanging bagay na magagawa nila, na maisasakatuparan nila para masuklian ang kanilang mga magulang, ay ang pasayahin ang kanilang mga magulang, kamtin ang malalaking tagumpay para mapalugod ang mga ito, at ang huwag biguin ang mga ito. Para naman sa mga magulang, sa panahong ito na bago umabot sa hustong gulang ang kanilang mga anak, pagkatapos nilang mabayaran ang mga halagang ito, at habang mas lalong lumalaki ang mga ekspektasyon nila sa kanilang mga anak, sa isipan nila ay unti-unting nagiging mabigat ang mga hinihingi nila sa kanilang mga anak. Ibig sabihin, pagkatapos ibayad ng mga magulang ang mga diumano’y halagang ito at magawa ang mga diumano’y paggugol na ito, hinihingi nila na dapat magtagumpay ang kanilang mga anak, at magkamit ng malalaking tagumpay para masuklian sila. Samakatuwid, tinitingnan man natin ito mula sa perspektiba ng isang magulang o anak, sa loob ng relasyong ito ng “paggugol” at “ginugugulan,” lalong tumataas nang tumataas ang mga ekspektasyon ng mga magulang para sa kanilang mga anak. Ang “lalong tumataas nang tumataas ang mga ekspektasyon” ay isang magandang paraan ng pagsasalarawan dito. Sa katunayan, sa kaibuturan ng puso ng mga magulang, habang mas gumugugol at nagsasakripisyo sila, mas lalo nilang iniisip na dapat silang suklian ng kanilang mga anak ng tagumpay, at kasabay nito, mas lalo nilang iniisip na may pagkakautang sa kanila ang kanilang mga anak. Habang mas gumugugol ang mga magulang, at habang mas dumarami ang kanilang mga inaasam, mas tumataas din ang kanilang mga ekspektasyon, at mas lumalaki ang mga ekspektasyon nila na susuklian sila ng kanilang mga anak. Ang mga ekspektasyon ng mga magulang sa kanilang mga anak bago umabot sa hustong gulang ang mga ito, mula sa “Kailangan nilang matuto ng maraming bagay, hindi sila dapat matalo sa simula pa lang” hanggang sa “Paglaki nila, kailangan nilang maging matagumpay at magkaroon ng matatag na posisyon sa lipunan,” ay unti-unting nagiging isang mabigat na hinihingi sa kanilang mga anak. Ang hinihinging ito ay: Paglaki mo at pagkatapos mong magkaroon ng matatag na posisyon sa lipunan, huwag mong kalimutan ang iyong mga pinagmulan, huwag kalimutan ang iyong mga magulang, sila ang mga taong una mong dapat na suklian, dapat ipakita mo sa kanila ang pagiging isang mabuting anak, at tulungan silang magkaroon ng magandang buhay, dahil sila ang mga nagtaguyod sa iyo sa mundong ito, sila ang mga taong nagturo sa iyo; ang pagkakaroon mo ng matatag na posisyon sa lipunan ngayon, pati na rin ang lahat ng iyong tinatamasa, at ang lahat ng iyong pag-aari, ay naging posible dahil sa puspusang pagsisikap ng iyong mga magulang, kaya hangga’t nabubuhay ka ay dapat mo silang suklian, gantimpalaan, at maging mabuti ka sa kanila. Ang mga ekspektasyon ng mga magulang para sa kanilang mga anak bago umabot sa hustong gulang ang mga ito—na ang mga ito ay magkakaroon ng matatag na posisyon sa lipunan at magtatagumpay—ay nagiging ganito, mula sa isang napakanormal na ekspektasyon ng magulang, ito ay unti-unting nagiging isang uri ng hinihingi at panggigiit ng mga magulang sa kanilang mga anak. Ipagpalagay natin na sa panahong wala pa sa hustong gulang ang kanilang mga anak, hindi nakakakuha ng matataas na marka ang mga ito; ipagpalagay nating nagrerebelde ang mga ito, na ang mga ito ay ayaw mag-aral o sumunod sa mga magulang, at sumusuway sa mga magulang. Sasabihin ng mga magulang: “Akala mo ba madali ito para sa akin? Sa tingin mo, para kanino ko ba ginagawa ang lahat ng ito? Ginagawa ko ito para sa ikabubuti mo, hindi ba? Lahat ng ginagawa ko ay para sa iyo, at hindi mo ito pinahahalagahan. Hangal ka ba?” Gagamitin nila ang mga salitang ito para takutin at kontrolin ang kanilang mga anak. Tama ba ang pamamaraang ito? (Hindi.) Hindi ito tama. Ang “marangal” na aspektong ito ng mga magulang ay ang kasuklam-suklam din na aspekto ng mga magulang. Ano nga ba ang mali sa mga salitang ito? (Ang mga ekspektasyon ng mga magulang sa kanilang mga anak at pagtuturo sa kanilang mga anak ay mga pagsusumikap lamang para sa kanilang sarili. Pinepresyur nila ang kanilang mga anak, pinapaaral sa mga ito ang kung anu-ano, upang magkaroon ng magandang kinabukasan ang kanilang mga anak, magbigay ng karangalan sa kanila, at pakitaan sila ng mga ito ng pagiging mabuting anak sa hinaharap. Ang totoo, ang lahat ng ginagawa ng mga magulang ay para sa kanilang sarili.) Kung isasantabi muna natin ang katunayan na iniisip lang ng mga magulang ang pansarili nilang mga interes at makasarili sila, at pag-uusapan lang natin ang mga ideyang iniindoktrina nila sa kanilang mga anak bago umabot sa hustong gulang ang mga ito, at ang pamemresyur nila sa mga ito, iginigiit sa kanilang mga anak na mag-aral ng kung ano-anong paksa, na pumasok sa kung anong trabaho paglaki nila, at magkamit ng kung anong tagumpay—ano ang kalikasan ng mga pamamaraang ito? Sa ngayon, hindi natin susuriin kung bakit ginagawa ito ng mga magulang, o kung angkop ba o hindi ang mga pamamaraang ito. Pagbabahaginan at hihimayin muna natin ang kalikasan ng mga pamamaraang ito, at maghahanap tayo ng mas tumpak na landas ng pagsasagawa batay sa ating paghihimay sa diwa ng mga ito. Kung magbabahaginan tayo at mauunawaan natin ang aspektong ito ng katotohanan mula sa perspektibang iyon, magiging tumpak ito.
Una sa lahat, tama ba o mali itong mga hinihingi at mga pamamaraan ng mga magulang sa kanilang mga anak? (Mali ang mga ito.) Kung gayon, sa huli, ano ang ugat ng problema pagdating sa mga pamamaraang ito na ginagamit ng mga magulang sa kanilang mga anak? Hindi ba’t ito ang mga ekspektasyon ng mga magulang para sa kanilang mga anak? (Oo.) Sa loob ng personal na kamalayan ng mga magulang, iniisip, pinaplano, at itinatakda nila ang iba’t ibang bagay tungkol sa kinabukasan ng kanilang mga anak, at bilang resulta, nagkakaroon sila ng mga ganitong ekspektasyon. Sa udyok ng mga ekspektasyong ito, iginigiit ng mga magulang na mag-aral ng iba’t ibang kasanayan ang kanilang mga anak, na mag-aral ang mga ito ng teatro at sayaw, o sining, at iba pa. Iginigiit nila na ang kanilang mga anak ay maging mga indibidwal na may mahuhusay na talento, at para ang mga ito ay maging mga nakatataas, hindi mga nakabababa. Iginigiit nila na maging mga opisyal na may mataas na ranggo ang kanilang mga anak, at hindi maging mga kawal lamang; iginigiit nila na ang kanilang mga anak ay maging manager, CEO, at executive, na nagtatrabaho para sa mga nangungunang 500 kumpanya sa buong mundo, at iba pa. Ang lahat ng ito ay mga personal na ideya ng mga magulang. Ngayon, bago sila umabot sa hustong gulang, may ideya ba ang mga anak sa nilalaman ng mga ekspektasyon ng kanilang mga magulang? (Wala.) Wala silang anumang ideya sa mga bagay na ito, hindi nila nauunawaan ang mga ito. Ano ba ang nauunawaan ng maliliit na bata? Nauunawaan lamang nila ang pagpunta sa paaralan para matutong magbasa, ang pag-aaral nang mabuti, at ang pagiging mga mabait at masunuring bata. Mabuti naman ang paggawa ng mga ito. Ang pagpunta sa paaralan para pumasok sa mga klase ayon sa nakatakdang iskedyul nila, at pag-uwi sa bahay para tapusin ang kanilang takdang-aralin—ito ang mga bagay na nauunawaan ng mga bata, ang iba pang nauunawaan nila ay pawang paglalaro, pagkain, pantasya, pangarap, at iba pa. Bago sila umabot sa hustong gulang, ang mga anak ay walang konsepto sa lahat ng di-nalalamang bagay sa kanilang mga landas sa buhay, at wala rin silang nakikinita tungkol sa mga ito. Ang lahat ng bagay na nakikinita o napagpapasyahan kapag nasa hustong gulang na ang mga anak na ito ay nagmumula sa kanilang mga magulang. Samakatuwid, ang mga maling ekspektasyon ng mga magulang para sa kanilang mga anak ay walang kinalaman sa kanilang mga anak. Kailangan lamang na makilatis ng mga anak ang diwa ng mga ekspektasyon ng kanilang mga magulang. Ano ang batayan ng mga ekspektasyong ito? Saan nagmumula ang mga ito? Nagmumula ang mga ito sa lipunan at sa mundo. Ang layon ng lahat ng ekspektasyong ito ng magulang ay upang matutong umangkop ang mga anak sa mundo at sa lipunang ito, upang ang mga ito ay hindi maitiwalag ng mundo o ng lipunan, at upang ang mga ito ay magkaroon ng posisyon sa lipunan, makakuha ng permanenteng trabaho, magkaroon ng matatag na pamilya, at magandang kinabukasan, kaya nagkakaroon ng iba’t ibang ekspektasyon ang mga magulang para sa kanilang mga anak. Halimbawa, ngayon ay medyo uso ang maging isang computer engineer. Sinasabi ng ilang tao: “Magiging isang computer engineer ang anak ko sa hinaharap. Marami siyang kikitaing pera sa larangang ito, may dala-dala siyang computer buong araw, gumagawa ng mga gawaing pang-computer engineering. Magiging maganda rin ang imahe ko kung magkagayon!” Sa mga sitwasyong ito, kung saan walang anumang ideya ang mga anak, itinatakda ng kanilang mga magulang ang kanilang kinabukasan. Hindi ba’t mali ito? (Mali nga.) Ang mga inaasam ng kanilang mga magulang sa mga anak nila ay ganap na nakabatay sa kung paano tinitingnan ng isang taong nasa hustong gulang ang mga bagay-bagay, pati na rin sa mga pananaw, perspektiba, at mga kagustuhan ng isang taong nasa hustong gulang na tungkol sa mga usapin ng mundo. Hindi ba’t pansariling saloobin lang ito? (Oo.) Kung pagagandahin mo ang pagsasalarawan dito, maaari mong sabihin na pansariling saloobin lang ito, ngunit ano ba talaga ito? Ano ang iba pang pakahulugan dito? Hindi ba’t ito ay pagiging makasarili? Hindi ba’t ito ay pamimilit? (Ganoon na nga.) Gusto mo ang kung anong trabaho at propesyon, nasisiyahan kang mamuhay nang may matatag na posisyon at mamuhay nang magara, naglilingkod bilang opisyal, o bilang isang mayamang tao sa lipunan, kaya ipinagagawa mo rin sa mga anak mo ang mga bagay na iyon, na maging ganoong klase rin sila ng tao, at na tahakin nila ang ganoong uri ng landas—ngunit masisiyahan ba silang mamuhay sa gayong kapaligiran at magtrabaho nang ganoon sa hinaharap? Nababagay ba sila sa ganoon? Ano ang tadhana nila? Ano ang mga pagsasayos at kapasyahan ng Diyos sa kanila? Alam mo ba ang mga bagay na ito? May ilang taong nagsasabi na: “Wala akong pakialam sa mga bagay na iyon, ang mahalaga ay ang mga bagay na gusto ko, bilang kanilang magulang. Mag-aasam ako para sa kanila batay sa sarili kong mga kagustuhan.” Hindi ba’t masyadong makasarili iyon? (Oo.) Masyadong makasarili ito! Kung pagagandahin ang pagsasalarawan dito, ito ay pansariling saloobin lang, ito ay pagpapasya nang sila lamang, pero ano ba ito, sa realidad? Ito ay sobrang makasarili! Hindi isinasaalang-alang ng mga magulang na ito ang kakayahan o mga talento ng kanilang mga anak, wala silang pakialam sa mga pagsasaayos ng Diyos sa bawat tadhana at buhay ng tao. Hindi nila isinasaalang-alang ang mga bagay na ito, ipinipilit lang nila ang sarili nilang mga kagustuhan, mga intensiyon, at mga plano sa kanilang mga anak habang nangangarap nang gising. May ilang taong nagsasabi: “Kailangan kong ipilit ang mga bagay na ito sa anak ko. Masyado pa silang bata para maunawaan ang mga ito, at pagdating ng araw na maunawaan na nila ang mga ito, magiging masyado nang huli.” Ganoon ba ang lagay? (Hindi.) Kung talagang masyado nang huli, kapalaran nila iyon, hindi iyon responsabilidad ng kanilang mga magulang. Kung ipipilit mo ang mga bagay na nauunawaan mo sa iyong mga anak, mauunawaan ba nila ito nang mas mabilis dahil lang sa nauunawaan mo ang mga ito? (Hindi.) Wala namang koneksiyon ang paraan ng pagtuturo ng mga magulang at kung kailan mauunawaan ng mga anak ang mga usapin tulad ng kung anong uri ng landas sa buhay ang dapat piliin, anong klase ng propesyon ang dapat piliin, at kung ano ang mangyayari sa kanilang buhay. Ang mga anak ay may sariling mga landas, sariling bilis, at sarili nilang mga batas. Isipin mo, kapag maliit pa ang mga anak, kahit paano pa sila turuan ng kanilang mga magulang, ganap na blangko ang kanilang kaalaman sa lipunan. Mararamdaman nila ang kompetisyon, komplikasyon, at kadiliman ng lipunan, at ang iba’t ibang di-makatarungang bagay sa lipunan, kapag lumago na ang kanilang pagkatao. Hindi ito isang bagay na maituturo ng mga magulang sa kanilang mga anak mula sa murang edad. Kahit na ituro ng mga magulang sa kanilang mga anak mula sa murang edad na, “Kailangan mong mag-ingat kapag nakikisalamuha ka sa ibang tao,” ituturing lamang nila ito bilang isang uri ng doktrina. Kapag tunay na nilang kayang kumilos batay sa payo ng kanilang mga magulang, doon pa lamang nila ito tunay na mauunawaan. Kapag hindi nila nauunawaan ang payo ng kanilang mga magulang, kahit paano pa sila turuan ng kanilang mga magulang, mananatili pa rin itong isang uri ng doktrina para sa kanila. Samakatuwid, makatwiran ba ang ideya ng mga magulang na, “Masyadong mapagkompetensiya ang mundo, at matindi ang kagipitan sa buhay ng mga tao; kung hindi ko sisimulang turuan ang mga anak ko mula sa napakamurang edad, magdurusa at masasaktan sila sa hinaharap”? (Hindi.) Maaga mong ipinapapasan sa iyong mga anak ang presyur na iyon para hindi sila gaanong mahirapan sa hinaharap, at kailangan nilang pasanin ang presyur na iyon sa edad na wala pa silang nauunawaan—sa paggawa nito, hindi ba’t pinipinsala mo ang iyong mga anak? Talaga bang ginagawa mo ito para sa ikabubuti nila? Mas mainam kung hindi nila nauunawaan ang mga bagay na ito, nang sa gayon ay makapamuhay sila nang ilang taon nang komportable, masaya, dalisay, at simple. Kung mauunawaan na nila ang mga bagay na iyon nang maaga, iyon ba ay magiging isang biyaya o isang kasawian? (Kasawian.) Oo, ito ay magiging isang kasawian.
Ang mga tao ay dapat gumawa ng mga bagay na angkop sa kanilang edad at sa paglago ng kanilang pagkatao, hindi batay sa pagtuturong natatanggap nila mula sa kanilang mga magulang. Bago sila umabot sa hustong gulang, ang mga bata ay dapat lang na maglaro, matuto ng kaunting simpleng kaalaman at makatanggap ng kaunting batayang edukasyon, matuto ng iba’t ibang bagay, matutong makisalamuha sa iba pang bata at paano makisama sa mga nasa hustong gulang na, at matuto kung paano humarap sa ilang bagay sa paligid nila na hindi nila nauunawaan. Bago umabot sa hustong gulang ang mga tao, dapat silang gumawa ng mga bagay na hindi para sa mga nasa hustong gulang na. Hindi nila dapat pagtiisan ang anumang presyur, mga pamantayan ng pag-uugali, o mga komplikadong bagay na dapat pinapasan ng mga taong nasa hustong gulang na. Ang mga gayong bagay ay nagdudulot ng pinsalang sikolohikal sa mga taong wala pa sa hustong gulang, at ang mga ito ay hindi mga pagpapala. Kung mas maagang natututunan ng mga tao ang mga bagay na ito, mas matindi ang epekto nito sa kanilang murang isipan. Bukod sa walang anumang maitutulong ang mga bagay na ito sa mga tao sa kanilang buhay o pag-iral kapag nasa hustong gulang na sila; sa kabaligtaran, dahil natututunan o nararanasan nila ang mga bagay na ito nang napakaaga, nagiging pasanin ang mga ito o nag-iiwan ng hindi nahahalatang negatibong epekto sa kanilang murang isipan, hanggang sa puntong mumultuhin sila ng mga ito sa kanilang buong buhay. Pag-isipan ninyo ito, kapag ang mga tao ay napakabata pa, kung makarinig sila ng isang kakila-kilabot na bagay, isang bagay na hindi nila kayang tanggapin, isang bagay na para lang sa mga nasa hustong gulang na hindi nila mawari o maunawaan, kung gayon, ang eksena o usaping iyon, o maging ang mga tao, bagay, at salitang may kinalaman dito, ay susundan sila sa buong buhay nila. Magdudulot ito ng negatibong epekto sa kanila, na makakaimpluwensiya sa kanilang personalidad, at sa kanilang mga pamamaraan ng pag-asal sa buhay. Halimbawa, medyo makulit ang mga bata sa edad na anim o pito. Sabihin nang ang isang bata ay napagalitan ng kanyang guro sa klase dahil bumulong ito sa isang kaklase, at bukod sa pinagalitan siya ng guro nang dahil sa pagbulong, personal din siya nitong inatake, sinabihan na mukha siyang daga, pinagalitan pa nga siya sa pagsasabing: “Tingnan mo nga, halos wala ka nang pag-asang umasenso. Hindi ka magtatagumpay sa buong buhay mo! Kung hindi ka mag-aaral nang mabuti, magiging isa ka lang trabahador. Sa hinaharap, kakailanganin mong manlimos ng pagkain! Mukha kang magnanakaw; may tendensiya kang maging isang magnanakaw!” Bagamat hindi naiintindihan ng bata ang mga salitang ito, at hindi niya alam kung bakit nasasabi ng kanyang guro ang mga bagay na ito, o kung totoo ba o hindi ang mga bagay na ito, itong mga salita ng personal na pag-atake ay magiging isang hindi nakikitang masamang pwersa sa loob ng kanyang puso, sinusugatan ang kanyang pagpapahalaga sa sarili, at sinasaktan siya. “Mukhang ferret ang hitsura mo, at parang sa daga ang mga mata mo, at ang liit ng ulo mo!”—ang mga salitang ito ng personal na pag-atake na binibigkas ng kanyang guro ay hindi niya malilimutan sa buong buhay niya. Kapag pumipili siya ng propesyon, kapag kaharap niya ang kanyang mga nakatataas at mga katrabaho, at kapag kaharap niya ang mga kapatid, ang mga salitang iyon ng personal na pag-atake na binigkas ng kanyang guro ay paminsan-minsang lalabas, na nakakaapekto sa kanyang mga emosyon, at sa kanyang buhay. Siyempre, ang ilang hindi tamang ekspektasyon ng iyong mga magulang para sa iyo, at ang ilang emosyon, mensahe, salita, kaisipan, pananaw, at iba pa na ipinasa nila sa iyo, ay nagdulot din ng negatibong epekto sa iyong murang isipan. Mula sa perspektiba ng personal na kamalayan ng iyong mga magulang, wala silang anumang masamang intensiyon, ngunit dahil sa kanilang kamangmangan, dahil sila ay mga tiwaling tao, at wala silang mga tamang pamamaraan na naaayon sa mga prinsipyo sa pagtrato nila sa iyo, sumusunod lang sila sa mga kalakaran ng mundo sa pagtrato nila sa iyo, at ang pinakahuling resulta nito ay na nagpapasa sila ng iba’t ibang negatibong mensahe at emosyon sa iyo. Sa mga sitwasyon na wala kang pagkilatis, ang lahat ng sinasabi ng iyong mga magulang, at lahat ng maling ideya na iniindoktrina at isinusulong ng iyong mga magulang sa iyo, ay nangingibabaw sa iyo dahil nalantad ka muna sa mga ito. Ang mga ito ang nagiging layon ng iyong panghabambuhay na paghahangad at pakikibaka. Bagamat isang uri ng dagok at pagkawasak sa iyong murang isipan ang iba’t ibang ekspektasyon ng iyong mga magulang sa iyo bago ka umabot sa hustong gulang, namumuhay ka pa rin sa ilalim ng mga ekspektasyon ng iyong mga magulang, pati na rin sa ilalim ng iba’t ibang halagang ibinabayad nila para sa iyo, inuunawa mo ang kanilang kagustuhan, at tinatanggap at pinasasalamatan ang kanilang iba’t ibang kabaitan. Pagkatapos mong tanggapin ang iba’t ibang halagang ibinabayad nila at ang iba’t ibang sakripisyong ginagawa nila para sa iyo, nakakaramdam ka ng pagkakautang sa iyong mga magulang at nahihiya kang harapin sila sa kaibuturan ng iyong puso, at iniisip mong kailangan mo silang suklian paglaki mo. Suklian ang ano? Suklian ang kanilang mga hindi makatwirang ekspektasyon sa iyo? Suklian ang pinsalang idinulot nila sa iyo bago ka umabot sa hustong gulang? Hindi ba’t ito ay pagkalito sa kung ano ang itim at puti? Sa totoo lang, kung pag-uusapan ito mula sa ugat at diwa ng usapin, ang mga ekspektasyon ng mga magulang mo sa iyo ay pansariling saloobin lamang nila, ang mga ito ay pangarap lamang. Ang mga ito ay talagang hindi mga bagay na dapat taglayin, isagawa, o isabuhay ng isang bata, at ang mga ito ay hindi isang bagay na kailangan ng isang bata. Upang sumunod sa mga kalakaran ng mundo, upang umangkop sa mundo, upang makasabay sa pag-usad ng mundo, ipinapasunod sa iyo ng iyong mga magulang ang mga ito, ipinapapasan nila sa iyo ang presyur na ito tulad ng ginagawa nila, at ipinapatanggap at ipinapasunod sa iyo ang masasamang kalakarang ito. Samakatuwid, sa ilalim ng mga marubdob na ekspektasyon ng kanilang mga magulang, maraming anak ang nagsisikap na mag-aral ng iba’t ibang kasanayan, iba’t ibang kurso, at iba’t ibang kaalaman. Mula sa pagsusumikap na tugunan ang mga ekspektasyon ng kanilang mga magulang, ay nagiging aktibo sila sa paghahangad sa mga nilalayon ng mga ekspektasyon ng kanilang mga magulang. Sa madaling salita, bago sila umabot sa hustong gulang, pasibong tinatanggap ng mga tao ang mga ekspektasyon ng kanilang mga magulang, at pagkatapos nilang unti-unting umabot sa hustong gulang, aktibo nilang tinatanggap ang mga ekspektasyon ng personal na kamalayan ng kanilang mga magulang, at kusa nilang tinatanggap ang ganitong uri ng presyur at ang ganitong panlilihis, pagkontrol, at paggapos na nagmumula sa lipunan. Sa kabuuan, mula sa dating pagkapasibo ay unti-unti silang nagiging aktibo. Sa ganoong paraan, nasisiyahan ang kanilang mga magulang. Nararamdaman din ng mga anak ang kapayapaan sa kalooban nila, at na hindi nila binigo ang kanilang mga magulang, na sa wakas ay naibigay na nila sa kanilang mga magulang ang gusto ng mga ito, at na lumaki na sila—hindi lang simpleng paglaki tungo sa hustong gulang, kundi pagiging mga indibidwal na may talento sa mga mata ng kanilang mga magulang, at pagtupad sa mga ekspektasyon ng kanilang mga magulang. Bagamat nagtatagumpay ang mga taong ito sa pagiging mga indibidwal na may talento sa mga mata ng kanilang mga magulang pagkatapos nilang umabot sa hustong gulang, at sa panlabas, tila nasuklian na ang mga halagang binayad ng kanilang mga magulang, at na hindi naging walang saysay ang mga ekspektasyon ng kanilang mga magulang sa kanila, ano ang totoo? Nagtagumpay ang mga anak na ito sa pagiging mga tuta ng kanilang mga magulang, nagtagumpay sila sa pagkakaroon ng utang sa kanilang mga magulang, nagtagumpay sila sa paggugol ng kanilang buhay para maisakatuparan ang mga ekspektasyon ng kanilang mga magulang, para magpakitang-gilas sa kanilang mga magulang, nagdadala ng kapurihan at katanyagan sa kanilang mga magulang, at nagtagumpay sila sa pagbibigay-kasiyahan sa kanilang mga magulang, sa katunayan na ipinagmamalaki at ikinagagalak sila ng kanilang mga magulang. Saanman magpunta ang kanilang mga magulang, binabanggit ng mga ito ang kanilang mga anak: “Ang anak kong babae ay manager sa isang kompanya.” “Ang anak kong babae ay taga-disenyo sa isang sikat na brand.” “Ang anak kong babae ay may nakamit nang partikular na antas sa isang wikang banyaga, matatas niya itong nasasalita, isa siyang tagasalin para sa partikular na wika.” “Ang anak kong babae ay isang computer engineer.” Ang mga anak na ito ay ipinagmamalaki at ikinagagalak ng kanilang mga magulang, at nagtagumpay sila sa pagkopya sa kanilang mga magulang. Ito ay dahil gagamitin nila ang parehong mga pamamaraan para turuan at sanayin ang kanilang sariling mga anak. Iniisip nila na nagtagumpay ang kanilang mga magulang sa pagsasanay sa kanila, kaya gagayahin nila ang mga pamamaraan ng pagtuturo ng kanilang mga magulang para sanayin ang sarili nilang mga anak. Sa ganitong paraan, kailangang tiisin ng kanilang mga anak ang parehong paghihirap, kalunos-lunos na pagdurusa, at pamiminsala mula sa kanila gaya ng naranasan nila sa kanilang mga magulang.
Ang lahat ng ginagawa ng mga magulang para maisakatuparan ang kanilang mga ekspektasyon para sa kanilang mga anak bago umabot ang mga ito sa hustong gulang ay salungat sa konsensiya, katwiran, at likas na mga batas. Higit pa rito, ito ay salungat sa ordinasyon at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Bagamat walang abilidad ang mga bata na makakilatis kung ano ang tama at mali, o mag-isip nang nakapagsasarili, nasa ilalim pa rin ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos ang kanilang kapalaran, hindi sila pinamumunuan ng kanilang mga magulang. Samakatuwid, bukod sa pagkakaroon ng mga ekspektasyon sa kanilang mga anak sa kanilang kamalayan, isinasagawa rin ng mga hangal na magulang ang mas maraming aksyon, sakripisyo, at pagbabayad ng halaga pagdating sa kanilang pag-uugali, ginagawa nila ang lahat ng gusto nila at ang lahat ng handa nilang gawin para sa kanilang mga anak, ito man ay paggugol ng pera, oras, lakas, o iba pang bagay. Bagamat ginagawa ng mga magulang ang mga bagay na ito nang kusang-loob, ang mga ito ay hindi makatao at hindi ang mga responsabilidad na dapat tuparin ng mga magulang; lumagpas na sila sa saklaw ng kanilang mga abilidad at ng kanilang mga angkop na responsabilidad. Bakit Ko sinasabi ito? Dahil ang mga magulang ay nagsisimulang magtangkang planuhin at kontrolin ang kinabukasan ng kanilang mga anak bago umabot sa hustong gulang ang mga ito, at sinusubukan din nilang itakda ang kinabukasan ng kanilang mga anak. Hindi ba’t kahangalan iyon? (Oo.) Halimbawa, sabihin nating inorden ng Diyos na maging isang ordinaryong manggagawa ang isang tao, at sa buhay na ito, magagawa lamang niyang kumita ng kaunting sahod para pakainin at bihisan ang kanyang sarili, ngunit iginigiit ng kanyang mga magulang na siya ay maging tanyag, mayaman, mataas na opisyal, pinaplano at isinasaayos ang mga bagay-bagay para sa kanyang kinabukasan bago pa siya umabot sa hustong gulang, binabayaran ang iba’t ibang uri ng halaga, sinusubukang kontrolin ang kanyang buhay at kinabukasan. Hindi ba’t kahangalan iyon? (Oo.) Bagamat nakakakuha ng magagandang marka ang kanilang anak, pumapasok sa unibersidad, natututo ng iba’t ibang kasanayan paglaki niya, at mayroong ilang kasanayan, kapag sa wakas ay naghanap na siya ng trabaho, gaano man siya maghanap, nauuwi pa rin siya sa pagiging isang ordinaryong manggagawa. Sa pinakamainam, susuwertehin siya at magiging isang foreman, na mainam na rin. Sa bandang huli, kumikita lamang siya ng batayang sahod, at hindi niya kailanman nagagawang kitain ang sahod ng isang mataas na opisyal o ng isang mayamang tao tulad ng hinihingi ng kanyang mga magulang. Palaging ninanais ng kanyang mga magulang na siya ay umasenso, kumita ng maraming pera, maging isang mataas na opisyal, upang makabahagi ang kanyang mga magulang sa tagumpay niya. Hindi nila kailanman inasahan na, bagamat magaling siya sa eskuwela at napakamasunurin, bagamat nagbayad sila ng napakaraming halaga para sa kanya, at bagamat pumasok siya sa unibersidad paglaki niya, sa buhay na ito ay itinadhana pa rin siyang maging isang ordinaryong manggagawa. Kung nahulaan lang ito ng mga magulang niya, hindi sana masyadong nagpakahirap ang mga ito noon. Pero maiiwasan ba ng mga magulang na pahirapan ang kanilang sarili? (Hindi.) Binebenta ng mga magulang ang kanilang mga bahay, lupa, mga ari-arian ng pamilya, at may ilan pa nga na nagbebenta ng kidney para lang makapasok ang kanilang mga anak sa kilalang unibersidad. Kapag hindi pumapayag ang anak dito, sinasabi ng ina: “Dalawa ang kidney ko. Kung mawala man ang isa, mayroon akong isa pa. Matanda na ako, isang kidney lang ang kailangan ko.” Ano ang mararamdaman ng kanyang anak matapos itong marinig? “Kahit na nangangahulugan ito na hindi ako makakapag-aral sa unibersidad, hindi ko hahayaang ibenta mo ang kidney mo.” At sasabihin ng ina: “Hindi ka mag-aaral? Isa kang suwail at hindi mabuting anak! Bakit ko ba ibinebenta ang kidney ko? Hindi ba’t para magkaroon ka ng magandang kinabukasan?” Naantig ang anak nang marinig ito, at iniisip na, “Sige, hahayaan ko na lang na ibenta ni mama ang kidney niya. Hindi ko siya bibiguin.” Sa huli, talagang ginawa ito ng ina—ibinenta ang kanyang kidney para sa kinabukasan ng kanyang anak—at sa huli, naging isang manggagawa lamang ang anak at hindi nagtagumpay. Kung gayon, nagbenta ng kidney ang ina, at ang tanging nakuha niyang kapalit ay isang manggagawa—angkop ba iyon? (Hindi.) Sa huli, mapagtatanto ito ng ina at sasabihing: “Nakatadhana ka lang na maging isang manggagawa. Kung nalaman ko lang sana iyon nang mas maaga, hindi ko sana ibinenta ang aking kidney para paaralin ka sa unibersidad. Pwede naman palang maging isang manggagawa, hindi ba? Ano ang silbi ng pag-aaral mo sa unibersidad?” Huli na! Sino ba ang nagsabing magpakahangal siya noon? Sino ang nag-udyok sa kanya na maganda kung magiging isang mataas na opisyal ang kanyang anak at kikita ng malaking pera? Nabulag siya sa kasakiman, nararapat lang sa kanya ito! Nagbayad siya ng napakaraming halaga para sa kanyang anak, ngunit mayroon bang aumang pagkakautang sa kanya ang kanyang anak? Wala. Kusa niyang ibinayad ang mga halagang iyon, at nakuha niya kung ano ang nararapat sa kanya! Kahit pa dalawang kidney ang ibinenta niya, iyon ay kusang-loob pa rin. Upang maipadala ang kanilang mga anak sa mga prestihiyosong unibersidad, may mga taong nagbebenta ng kanilang cornea, may ilan na nagbebenta ng kanilang dugo, isinasakripisyo naman ng iba ang lahat ng mayroon sila at ibinebenta ang mga ari-arian ng kanilang pamilya, at sulit ba ito? Para bang tingin nila na ang pagbebenta ng kaunting dugo o ng isang organo ay makapagpapasya sa kinabukasan ng isang tao at makapagpapabago sa kanyang kapalaran. Pwede ba iyon? (Hindi.) Napakahangal ng mga tao! Naghahanap sila ng mga mabilisang resulta, binulag sila ng katanyagan at pakinabang. Palagi nilang iniisip, “Ganito lang talaga ang buhay ko,” kaya’t iniaasa nila sa kanilang mga anak ang kanilang mga inaasam. Ibig bang sabihin niyon ay tiyak nang magiging mas maganda ang kapalaran ng kanilang mga anak kaysa sa kanilang kapalaran? Na aasenso ang kanilang mga anak? Na magiging iba ang mga ito? Bakit ba napakahangal ng mga tao? Inaakala ba nila na dahil lang mataas ang kanilang mga ekspektasyon sa kanilang mga anak ay tiyak nang magiging mas nakatataas ang mga ito kaysa sa iba at na matutugunan ang kanilang mga ekspektasyon? Ang mga kapalaran ng mga tao ay hindi itinatakda ng kanilang mga magulang, ang mga ito ay itinatakda ng Diyos. Siyempre, wala namang magulang na nagnanais na makitang nanlilimos ang kanilang mga anak. Gayunpaman, hindi nila kinakailangang igiit na umasenso ang kanilang mga anak at maging mataas na opisyal o prominenteng tao sa mataas na antas ng lipunan. Ano ba ang maganda sa pagiging nasa mataas na antas ng lipunan? Ano ba ang maganda sa pag-asenso? Masalimuot ang mga iyon, hindi maganda. Maganda bang maging tanyag na tao, dakila, superman, o isang taong may posisyon at katayuan? Ang buhay ay pinakamaginhawa kapag isa kang ordinaryong tao. Ano ba ang masama sa pamumuhay nang medyo mas salat, mas mahirap, mas nakakapagod, nang medyo mas pangit ang mga pagkain at damit? Sa pinakamababa, isang bagay ang natitiyak, sapagkat hind ka namumuhay sa mga kalakarang panlipunan ng mataas na antas ng lipunan, kahit papaano, hindi ka gaanong magkakasala at mababawasan ang mga bagay na ginagawa mo para labanan ang Diyos. Bilang isang ordinaryong tao, hindi ka mahaharap sa napakalaki o madalas na tukso. Bagamat magiging medyo mas mahirap ang buhay mo, hindi naman mapapagod ang iyong espiritu. Isipin mo, bilang isang manggagawa, ang kailangan mo lang alalahanin ay tiyakin na makakakain ka ng tatlong beses sa isang araw. Iba ang sitwasyon kapag ikaw ay isang opisyal. Kailangan mong makipaglaban, at hindi mo malalaman kung kailan darating ang araw na hindi na tiyak ang iyong posisyon. At hindi pa iyon doon natatapos, hahanapin ka ng mga taong sinalungat mo at pagbabayarin ka nila, at parurusahan ka nila. Sobrang nakakapagod ang buhay ng mga tanyag na tao, dakilang tao, at mayayaman. Ang mayayaman ay palaging natatakot na hindi sila magiging napakayaman sa hinaharap, at na hindi nila kakayaning magpatuloy sa buhay kung mangyari iyon. Ang mga tanyag na tao ay palaging nag-aalala na mawawala ang kanilang magandang imahe, at palagi nilang gustong protektahan ito, natatakot na maitiwalag sila ng panahong ito at ng mga kalakaran. Sobrang nakakapagod ng buhay nila! Hindi kailanman malinaw na nauunawaan ng mga magulang ang mga bagay na ito, at palagi nilang gustong itulak ang kanilang mga anak sa gitna ng paghihirap na ito, ipinadadala sila sa mga mapanganib at masalimuot na sitwasyon. Mayroon ba talagang mabubuting intensiyon ang mga magulang? Kung sasabihin Kong wala silang mabubuting intensiyon, hindi mo gugustuhing pakinggan ito. Kung sasabihin Ko na ang mga ekspektasyon ng iyong mga magulang ay negatibong nakakaapekto sa inyo sa maraming aspekto, handa ba kayong kilalanin ito? (Oo.) Malalim na nakapipinsala sa inyo ang mga ito, hindi ba? May ilan sa inyo na hindi handang kilalanin ito, sinasabi ninyo na: “Nais ng mga magulang ko kung ano ang nakabubuti para sa akin.” Sinasabi mong nais ng iyong mga magulang kung ano ang nakabubuti para sa iyo—kung gayon, nasaan na ang mabubuting bagay na iyon? Nais ng iyong mga magulang kung ano ang nakabubuti para sa iyo, pero gaano ba karaming positibong bagay ang naipaunawa nila sa iyo? Nais ng iyong mga magulang kung ano ang nakabubuti para sa iyo, pero gaano karami sa iyong mga mali at hindi kanais-nais na kaisipan at pananaw ang naituwid nila? (Wala.) Kung gayon, malinaw mo na bang nauunawaan ngayon ang mga bagay na ito? Nararamdaman mo na hindi makatotohanan ang ekspektasyong ito ng magulang, hindi ba?
Sa pamamagitan ng pagsusuri sa diwa ng mga ekspektasyon ng mga magulang para sa kanilang mga anak, makikita natin na ang mga ekspektasyong ito ay makasarili, na salungat ang mga ito sa pagkatao, at higit pa rito ay walang kinalaman ang mga ito sa mga responsabilidad ng mga magulang. Kapag nagpapataw ang mga magulang ng iba’t ibang ekspektasyon at hinihingi sa kanilang mga anak, hindi nila tinutupad ang kanilang mga responsabilidad. Kung gayon, ano nga ba ang kanilang “mga responsabilidad”? Ang pinakabatayang responsabilidad na dapat gampanan ng mga magulang ay ang turuan ang kanilang mga anak na magsalita, turuan sila na maging mabait at huwag maging masamang tao, at gabayan sila sa positibong direksiyon. Ito ang kanilang mga pinakabatayang responsabilidad. Bukod dito, dapat nilang tulungan ang kanilang mga anak sa pag-aaral ng anumang uri ng kaalaman, talento, at iba pa, na angkop sa mga ito, base sa edad, kakayahan, husay at mga hilig ng kanilang mga anak. Tutulungan ng mga medyo mas mabuting magulang ang kanilang mga anak na maunawaan na ang mga tao ay nilikha ng Diyos at na mayroong Diyos na umiiral sa sansinukob na ito, ginagabayan ang kanilang mga anak na magdasal at magbasa ng mga salita ng Diyos, kinukwentuhan ang mga ito ng ilang istorya mula sa Bibliya, at umaasa sila na susunod ang kanilang mga anak sa Diyos at gagampanan ang tungkulin ng isang nilikha paglaki ng mga ito, sa halip na hangarin ang mga kalakaran ng mundo, masangkot sa iba’t ibang komplikadong pakikipag-ugnayan sa mga tao, at mapinsala ng iba’t ibang kalakaran ng mundo at lipunang ito. Ang mga responsabilidad na dapat gampanan ng mga magulang ay walang kinalaman sa kanilang mga ekspektasyon. Ang mga responsabilidad na dapat nilang tuparin sa kanilang papel bilang mga magulang ay ang bigyan ng positibong gabay at angkop na tulong ang kanilang mga anak bago umabot sa hustong gulang ang mga ito, pati na rin ang agarang pag-aalaga sa mga pangangailangan sa katawan ng mga ito, tulad ng pagkain, kasuotan, tirahan, o sa mga panahong nagkakasakit sila. Kung magkasakit ang kanilang mga anak, dapat gamutin ng mga magulang ang anumang sakit na kailangang gamutin; hindi nila dapat pabayaan ang kanilang mga anak o sabihin sa mga ito, “Pumasok ka pa rin sa paaralan, magpatuloy ka sa pag-aaral—hindi ka pwedeng mahuli sa iyong mga klase. Kung masyado ka nang mahuhuli, hindi ka na makakahabol.” Kapag kailangan ng kanilang mga anak na magpahinga, dapat hayaan ng mga magulang na magpahinga ang mga ito; kapag may sakit ang kanilang mga anak, dapat tulungan ng mga magulang ang mga ito na gumaling. Ito ang mga responsabilidad ng mga magulang. Sa isang aspekto, kailangan nilang alagaan ang pisikal na kalusugan ng kanilang mga anak; sa isa pang aspekto, kailangan nilang tulungan, turuan, at suportahan ang kanilang mga anak pagdating sa kalusugang pangkaisipan ng mga ito. Ito ang mga responsabilidad na dapat tuparin ng mga magulang, sa halip na magpataw ng anumang hindi makatotohanang ekspektasyon o mga hinihingi sa kanilang mga anak. Dapat tuparin ng mga magulang ang kanilang mga responsabilidad hindi lamang sa mga pangangailangan ng kalusugang pangkaisipan ng kanilang mga anak kundi pati na rin sa mga bagay na kailangan ng katawan ng kanilang mga anak. Hindi dapat pabayaan ng mga magulang ang kanilang mga anak na lubhang ginawin sa taglamig; dapat turuan nila ang mga ito ng ilang karaniwang kaalaman sa buhay, tulad ng sa kung anong mga sitwasyon sila magkakasipon, na dapat silang kumain ng mainit na pagkain, na sasakit ang kanilang tiyan kung kakain sila ng malalamig na pagkain, at na hindi nila dapat basta-bastang ilantad ang kanilang katawan sa hangin o hubarin ang kanilang damit sa lugar na masyadong mahangin kapag malamig ang panahon, tinutulungan sila na matutong alagaan ang kanilang sariling kalusugan. Dagdag pa rito, kapag lumitaw sa murang isipan ng kanilang mga anak ang ilang pang-musmos at walang-muwang na ideya tungkol sa kinabukasan ng mga ito, o ilang malabis na kaisipan, dapat maging maagap ang mga magulang sa pagbigay ng tamang gabay sa mga anak sa sandaling matuklasan nila ito, sa halip na piliting supilin ang mga ito; dapat nilang hikayatin ang kanilang mga anak na magpahayag at ilabas ang mga ideya ng mga ito, upang tunay na malutas ang problema. Ito ay pagtupad sa kanilang mga responsabilidad. Ang pagtupad sa mga responsabilidad ng isang magulang ay nangangahulugan, sa isang aspekto, ng pangangalaga sa kanilang mga anak, at sa isa pang aspekto, ng paggabay at pagtutuwid sa kanilang mga anak, at pagbibigay ng patnubay sa mga ito hinggil sa mga tamang kaisipan at pananaw. Sa totoo lang, ang mga responsabilidad na dapat gampanan ng mga magulang ay walang kinalaman sa mga ekspektasyon nila sa kanilang mga anak. Maaari kang umasa na magiging malusog ang pangangatawan ng iyong mga anak at na magtataglay sila ng pagkatao, konsensiya, at katwiran paglaki nila, o maaari kang umasa na magiging mabuting anak sila sa iyo, ngunit hindi ka dapat umasa na ang iyong mga anak ay magiging kung anong uri ng tanyag o dakilang tao paglaki nila, at mas lalong hindi mo dapat palaging sabihin sa iyong mga anak na: “Tingnan mo kung gaano kamasunurin si Xiaoming na kapitbahay natin!” Ang mga anak mo ay mga anak mo—ang responsabilidad na dapat mong tuparin ay hindi ang sabihin sa iyong mga anak kung gaano kabuti si Xiaoming na kapitbahay ninyo o na hikayatin silang matuto mula sa inyong kapitbahay na si Xiaoming. Ito ay hindi dapat gawin ng isang magulang. Magkakaiba ang bawat tao. Magkakaiba ang kaisipan, pananaw, hilig, libangan, kakayahan, at personalidad ng mga tao, at kung mabuti ba o masama ang kanilang pagkataong diwa. May mga taong likas na madaldal, samantalang ang iba naman ay likas na hindi palakibo, at ayos lang sa kanila kahit pa lumipas ang buong araw nang hindi man lang sila umiimik. Kaya, kung nais gampanan ng mga magulang ang kanilang mga responsabilidad, dapat nilang sikaping unawain ang mga personalidad, disposisyon, hilig, kakayahan, at mga pangangailangan ng pagkatao ng kanilang mga anak, sa halip na iasa sa kanilang mga anak ang sarili nilang mga paghahangad sa mundo, katanyagan, at pakinabang bilang taong nasa hustong gulang na, ipinapataw sa kanilang mga anak ang mga bagay na nauugnay sa katanyagan, pakinabang, at mundo na nagmumula sa lipunan. Ang tawag ng mga magulang sa mga bagay na ito, “mga ekspektasyon para sa kanilang mga anak,” ay magandang pakinggan pero ang totoo, hindi ganoon ang mga ito. Malinaw na nagtatangka silang ipahamak ang kanilang mga anak at itulak ang mga ito sa mga bisig ng mga diyablo. Kung ikaw ay isang magulang na talagang sapat, dapat mong gampanan ang iyong mga responsabilidad hinggil sa pisikal at mental na kalusugan ng iyong mga anak, sa halip na ipilit sa kanila ang iyong kagustuhan bago sila umabot sa hustong gulang, pinupwersa ang kanilang murang isipan na tiisin ang mga bagay na hindi naman nila dapat tiisin. Kung tunay mo silang mahal at iniingatan sila at talagang gusto mong tuparin ang iyong mga responsabilidad sa kanila, dapat mong alagaan ang kanilang katawan at siguraduhing malusog ito. Siyempre, may mga batang ipinanganak na mahina at hindi malusog. Kung talagang may mga magagawang paraan ang mga magulang, maaari nilang bigyan ang kanilang mga anak ng mga suplemento sa nutrisyon o kumonsulta sila sa isang tradisyonal na doktor sa Tsina o sa isang nutrisyonista, higit pang alagaan ang mga anak na ito. Bukod dito, sa bawat edad bago umabot sa hustong gulang ang kanilang mga anak, mula sa pagkasanggol at pagkabata hanggang sa pagtanda, dapat pagtuunan ng higit pang atensiyon ng mga magulang ang mga pagbabago sa mga personalidad at hilig ng kanilang mga anak, at sa mga pangangailangan ng mga anak pagdating sa pagtuklas ng mga ito sa sariling pagkatao, pinapakitaan ng higit pang malasakit ang kanilang mga anak. Dapat din nilang bigyan ang kanilang mga anak ng positibo at makataong gabay, tulong, at panustos pagdating sa mga pangkaisipang pagbabago at mga maling akala ng mga ito, at sa ilang bagay na walang nakakaalam tungkol sa mga pangangailangan ng kanilang pagkatao, gamit ang praktikal na kabatiran, karanasan, at mga aral na natutunan nila sa pagdanas ng ganoon ding mga bagay. Dapat tulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na lumaki nang maayos sa bawat edad ng mga ito, at umiwas sa pagtahak sa mga pasikot-sikot o maling landas, o umasal nang sobra-sobra. Kapag napinsala o negatibong naapektuhan ang kanilang mura at nalilitong isipan, dapat silang makatanggap ng agarang lunas, pati na rin ng pagmamalasakit, pagmamahal, pag-aalaga, at paggabay mula sa kanilang mga magulang. Ito ang mga responsabilidad na dapat tuparin ng mga magulang. Tungkol naman sa anumang plano na mayroon ang mga anak para sa kanilang sariling kinabukasan, kung nais ba nilang maging guro, alagad ng sining, o opisyal, at iba pa, kung makatwiran naman ang kanilang mga plano, maaari silang hikayatin ng mga magulang at bigyan ng tamang tulong at suporta batay sa sariling mga sitwasyon, edukasyon, kakayahan, pagkatao, sitwasyon ng pamilya ng mga magulang, at iba pa. Ngunit, hindi dapat lumagpas ang mga magulang sa saklaw ng kanilang sariling mga abilidad, hindi nila dapat ibenta ang kanilang mga sasakyan, bahay, kidney, o ang kanilang dugo. Hindi ito kailangang gawin, hindi ba? (Oo.) Dapat lang nilang bigyan ng tamang tulong ang kanilang mga anak sa abot ng kanilang makakaya bilang mga magulang. Kung sasabihin ng kanilang mga anak, “Gusto kong magkolehiyo,” maaaring sabihin ng mga magulang, “Kung gusto mong magkolehiyo, susuportahan kita, at hindi ako kokontra, pero hindi ganoon kayaman ang pamilya natin. Simula ngayon, kakailanganin kong mag-ipon ng pera araw-araw para sa isang taon ng iyong matrikula sa kolehiyo. Kung pagdating ng panahon ay makaipon ako nang sapat, pwede kang mag-aral sa kolehiyo. Pero kung hindi ako makakaipon nang sapat, kakailanganin mong maghanap ng sarili mong solusyon.” Dapat magkasundo nang ganito ang mga magulang at ang kanilang mga anak, nang may pagkakaintindihan at kasunduan, at nilulutas ang problema sa mga pangangailangan ng kanilang mga anak kaugnay sa kinabukasan ng mga ito. Siyempre, kung hindi maisasakatuparan ng mga magulang ang mga plano at layunin ng kanilang mga anak para sa kinabukasan ng mga ito, hindi nila kailangang makonsensiya at isipin na: “Binigo ko ang mga anak ko, wala akong kakayahan, at dahil dito ay kailangan pang magdusa ng mga anak ko. Ang mga anak ng ibang tao ay kumakain ng masasarap, nagdadamit ng mga sikat na brand, at nagmamaneho ng mga sasakyan sa kolehiyo, at kapag umuuwi sila, sumasakay sila ng eroplano. Samantalang ang mga anak ko ay kailangang sumakay ng tren na may matitigas na upuan—hindi ko man lang sila kayang pasakayin sa mga tren na may higaan. Binigo ko ang mga anak ko!” Hindi kailangang makonsensiya ng mga magulang, ganito ang sitwasyon nila, at kahit na magbenta sila ng kidney, hindi pa rin nila maibibigay ang mga bagay na iyon, kaya dapat nilang tanggapin ang kanilang kapalaran. Isinaayos ng Diyos ang ganitong kalagayan para sa kanila, kaya ang mga magulang ay hindi kailangang makonsensiya sa kalagayan ng kanilang mga anak, sinasabing: “Binigo kita. Kung hindi ka magiging isang mabuting anak sa hinaharap, hindi ako magrereklamo. Wala kaming kakayahan, at hindi ka namin binigyan ng magandang kapaligiran sa pamumuhay.” Hindi ito kailangang sabihin ng mga magulang. Kailangan lamang tuparin ng mga magulang ang kanilang mga responsabilidad nang may malinis na konsensiya, gawin ang lahat ng kanilang makakaya, at gawing malusog ang katawan at isipan ng kanilang mga anak. Sapat na iyon. Ang kahulugan ng “kalusugan” dito ay na ginagawa ng mga magulang ang lahat ng kanilang makakaya para siguraduhing mayroong mga positibong kaisipan ang kanilang mga anak, pati na mga aktibo, positibo, at optimistang kaisipan at saloobin patungkol sa kanilang pang-araw-araw na buhay at pag-iral. Kapag may nagpapasama ng loob nila, ang mga anak ay hindi dapat magmaktol, magtangkang magpakamatay, pagproblemahin ang kanilang mga magulang, o sumbatan ang kanilang mga magulang na ang mga ito ay walang kakayahan at walang kwenta na hindi marunong kumita ng pera, sinasabing: “Tingnan mo ang mga magulang ng iba. Nagmamaneho sila ng magagandang sasakyan, nakatira sa mga mansiyon, sumasakay sa mararangyang cruise ship, at naglalakbay sa Europa. Samantalang tayo ay hindi pa kailanman nakaalis sa bayan natin o nakasakay sa mabilis na tren!” Kung magmamaktol sila nang ganito, paano ka dapat sumagot? Dapat sabihin mo na: “Tama ka, ganyan kahina ang kakayahan namin. Ipinanganak ka sa pamilyang ito, at dapat mong tanggapin ang kapalaran mo. Kung may kakayahan ka, ikaw mismo ang kumita ng pera sa hinaharap. Huwag mo kaming bastusin, at huwag mong igiit na gawin namin ang mga bagay-bagay para sa iyo. Natupad na namin ang aming mga responsabilidad sa iyo, at wala kaming utang sa iyo. Balang araw, magiging isa kang magulang, at kakailanganin mo ring gawin ito.” Kapag may sarili na silang mga anak, malalaman nilang hindi ganoon kadali para sa mga magulang na kumita ng pera para suportahan ang sarili at ang buong pamilya, kapwa bata at matanda. Sa kabuuan, dapat mo silang turuan ng ilang prinsipyo sa kung paano sila dapat umasal. Kung tatanggapin ito ng mga anak mo, dapat kang magbahagi sa kanila tungkol sa pananampalataya sa Diyos at sa pagtahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan para makamit ang kaligtasan, pati na rin sa ilang tamang kaisipan at pananaw na iyong naunawaan mula sa Diyos. Kung ang mga anak mo ay handang tanggapin ang gawain ng Diyos at manampalataya sa Diyos kasama mo, mas mainam iyon. Kung walang ganitong pangangailangan ang mga anak mo, sapat na ang tuparin mo ang mga responsabilidad mo sa kanila; hindi mo na kailangang maglitanya o magbanggit ng mga salita at doktrina ukol sa pananampalataya sa Diyos para ipangaral sa kanila. Hindi mo ito kailangang gawin. Kahit hindi nananampalataya ang mga anak mo, basta’t sumusuporta sila sa iyo, maaari pa rin kayong maging mabuting magkaibigan, at mag-usap at magtalakayan tungkol sa anumang bagay. Hindi kayo dapat maging magkaaway, at huwag kang magdamdam sa kanila. Magkadugo pa rin kayo. Kung handang tuparin ng mga anak mo ang mga responsabilidad nila sa iyo, na maging mabuting anak sa iyo, at sumunod sa iyo, kung gayon, maaari mong papanatilihin ang iyong ugnayan sa kanila bilang iyong kapamilya, at makisalamuha sa kanila nang normal. Hindi mo kailangang palaging murahin o pagalitan ang iyong mga anak dahil lang sa iba sa iyo ang kanilang mga opinyon at pananaw tungkol sa pananalig. Hindi kailangang gawin iyon. Hindi kailangang uminit ng ulo mo, o isipin na malaking isyu na hindi nananampalataya sa Diyos ang mga anak mo, na para bang nawalan ka ng buhay at kaluluwa. Hindi iyon ganoon kalubha. Kung hindi sila nananampalataya, natural na may sarili silang mga napiling landas na tatahakin. Mayroon ka ring landas na dapat tahakin at tungkulin na dapat gampanan, at walang kinalaman ang mga bagay na ito sa iyong mga anak. Kung hindi nananampalataya ang mga anak mo, hindi mo kailangang igiit ito. Marahil ay hindi pa lang dumating ang tamang oras, o na sadyang hindi pa sila hinirang ng Diyos. Kung sadyang hindi pa sila hinirang ng Diyos, at pinipilit mo silang manampalataya, kung gayon, ikaw ay mangmang at mapaghimagsik. Siyempre, kung hinirang na sila ng Diyos, ngunit hindi pa dumating ang tamang oras, at iginigiit mong manampalataya sila ngayon, medyo masyado pang maaga. Kung nanaisin ng Diyos na kumilos, walang taong makakatakas sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan. Kung isinaayos ng Diyos na ang mga anak mo ay manampalataya, maisasakatuparan Niya ito sa isang salita o kaisipan. Kung hindi isinaayos ng Diyos na sila ay manampalataya, hindi sila maaantig, at kung hindi sila maaantig, gaano ka man magsalita, wala itong silbi. Kung hindi nananampalataya ang mga anak mo, wala kang pagkakautang sa kanila; kung nananampalataya naman ang mga anak mo, hindi ito dahil sa iyo. Hindi ba’t ganoon ang lagay? (Oo.) Magkapareho man kayo ng layon ng iyong mga anak ukol sa pananalig o kung nagkakasundo man kayo sa aspektong ito, ano’t anuman, kailangan mo lang tuparin ang iyong mga responsabilidad sa kanila. Kung natupad mo na ang mga responsabilidad na ito, hindi ito nangangahulugan na napakitaan mo sila ng kabutihan, at kung hindi nananampalataya ang iyong mga anak, hindi ito nangangahulugang may pagkakautang ka sa kanila, dahil natupad mo na ang iyong mga responsabilidad, at hanggang doon na lang iyon. Hindi pa rin nagbabago ang inyong relasyon, at maaari ka pa ring makipag-ugnayan sa iyong mga anak tulad ng dati. Kapag nahaharap sa mga suliranin ang iyong mga anak, dapat mo silang tulungan hangga’t kaya mo. Kung may kakayahang-pinansyal ka para matulungan ang iyong mga anak, dapat kang tumulong; kung magagawa mong ituwid ang mga kaisipan at pananaw ng iyong mga anak sa sikolohikal o mental na antas, at bigyan sila ng tamang gabay at tulong upang makaahon sila mula sa kanilang mga suliranin, mainam iyon. Sa kabuuan, ang dapat gawin ng mga magulang bago umabot sa hustong gulang ang kanilang mga anak ay ang tuparin ang mga responsabilidad ng mga magulang, alamin kung ano ang gustong gawin ng kanilang mga anak, at kung ano ang mga hilig at hangarin ng kanilang mga anak. Kung gusto ng kanilang mga anak na pumatay ng mga tao, magsunog ng mga gamit, at gumawa ng krimen, dapat seryosong disiplinahin ng mga magulang o parusahan pa nga ang kanilang mga anak. Pero kung sila ay mga masunuring anak, at walang ipinagkaiba sa ibang ordinaryong bata, at maganda ang kanilang asal sa paaralan, ginagawa ang kahit anong sabihin ng kanilang mga magulang, dapat lang na tuparin ng mga magulang ang mga responsabilidad ng mga ito sa kanilang mga anak. Maliban sa pagtupad sa kanilang mga responsabilidad, iyong mga diumano’y ekspektasyon, hinihingi, at pag-iisip tungkol sa kanilang kinabukasan ay pawang hindi kinakailangan. Bakit Ko sinasabing hindi kinakailangan ang mga ito? Ang kapalaran ng bawat tao ay inorden ng Diyos at hindi ito mapagpapasyahan ng kanilang mga magulang. Anuman ang ekspektasyon ng mga magulang sa kanilang mga anak, imposibleng maisasakatuparan ang lahat ng ito sa hinaharap. Hindi maitatakda ng mga ekspektasyong ito ang kinabukasan o buhay ng kanilang mga anak. Kahit gaano kalaki ang mga ekspektasyon ng mga magulang sa kanilang mga anak, o gaano kalaki ang mga sakripisyo o halagang inilalaan nila para sa mga ekspektasyong iyon, walang saysay ang lahat ng ito; walang epekto ang mga bagay na ito sa hinaharap o buhay ng kanilang mga anak. Kaya, hindi dapat gumawa ng mga kahangalan ang mga magulang. Hindi sila dapat magsakripisyo nang di-kinakailangan para sa kanilang mga anak bago umabot sa hustong gulang ang mga ito, at natural na hindi sila dapat sobrang mag-alala tungkol dito. Ang pagpapalaki ng mga anak ay tungkol sa pagkatuto ng isang magulang habang nagkakaroon din ng iba’t ibang karanasan mula sa iba’t ibang kapaligiran, at pagbibigay-daan sa kanilang mga anak na makinabang mula sa mga ito. Iyon lang ang kailangang gawin ng mga magulang. Tungkol naman sa kinabukasan at landas ng buhay ng mga anak sa hinaharap, walang kinalaman ang mga bagay na ito sa mga ekspektasyon ng kanilang mga magulang. Ibig sabihin, hindi mapagpapasyahan ng mga ekspektasyon ng iyong mga magulang ang iyong kinabukasan. Hindi ibig sabihin na dahil mataas ang mga ekspektasyon ng iyong mga magulang sa iyo, o dahil malaki ang inaasahan nila sa iyo ay magtatagumpay at magiging maayos ang pamumuhay mo, at hindi rin ibig sabihin na dahil walang mga ekspektasyon sa iyo ang iyong mga magulang ay magiging isa ka nang pulubi. Wala naman talagang ugnayan ang mga bagay na ito. Sabihin mo sa Akin, madali bang unawain itong mga paksang ibinahagi Ko? Madali ba para sa mga tao na isakatuparan ang mga bagay na ito? Mahirap ba ang mga ito? Kailangan lang tuparin ng mga magulang ang kanilang mga responsabilidad sa kanilang mga anak, palakihin ang mga ito, at itaguyod hanggang umabot sa hustong gulang. Hindi nila kailangang palakihin ang kanilang mga anak upang maging isang taong may talento. Madali bang tuparin ito? (Oo.) Madali lang gawin ito—hindi mo kailangang magpasan ng anumang responsabilidad para sa kinabukasan o buhay ng iyong mga anak, o bumuo ng anumang plano para sa kanila, o magtakda kung magiging anong uri sila ng tao, anong klase ng buhay mayroon sila sa hinaharap, sa anong mga grupo sa lipunan sila matatagpuan sa mga susunod na panahon, kung ano ang magiging kalidad ng buhay nila sa mundong ito sa hinaharap, o kung ano ang magiging katayuan nila sa mga tao. Hindi mo kailangang itakda o kontrolin ang mga bagay na ito; kailangan mo lang na tuparin ang iyong responsabilidad bilang magulang. Ganoon lang iyon kasimple. Kapag nasa tamang edad na ang mga anak mo para mag-aral, kailangan mong maghanap ng paaralan at ipasok sila roon, bayaran ang kanilang matrikula kapag kinakailangan, at bayaran ang anumang kailangan nila sa eskuwela. Sapat na ang tuparin ang mga responsabilidad na ito. Pagdating sa kung ano ang kanilang kinakain at sinusuot sa buong taon, kailangan mo lang alagaan ang kanilang katawan base sa mga sirkumstansiya. Huwag hayaang hindi sila magamot mula sa isang karamdaman bago pa sila umabot sa hustong gulang, kung kailan hindi pa nila naiintindihan kung paano alagaan ang kanilang sariling katawan. Maagap na ituwid ang kanilang mga kapintasan at masasamang gawi, tulungan mo silang magkaroon ng mabubuting kagawian sa buhay, at pagkatapos ay payuhan at patnubayan ang kanilang mga isipan, at tiyaking hindi sila nagmamalabis. Kung gusto nila ang ilang masamang bagay sa mundo, pero nakikita mo na mababait silang anak, at na naimpluwensiyahan lamang sila ng masasamang kalakaran sa mundo, dapat mo silang ituwid kaagad at tulungan silang ayusin ang kanilang mga kapintasan at masasamang gawi. Ito ang mga responsabilidad na dapat tuparin ng mga magulang at ang mga papel na kailangan nilang gampanan. Hindi dapat itulak ng mga magulang ang kanilang mga anak sa mga kalakaran ng lipunan, at hindi nila dapat ipapasan sa kanilang mga anak, kapag napakabata pa ng mga ito, ang iba’t ibang uri ng presyur, na karaniwan ay para lang sa mga taong nasa hustong gulang na, samantalang wala pa sa hustong gulang ang kanilang mga anak. Hindi dapat gawin ng mga magulang ang mga bagay na ito. Ito ay mga simpleng bagay lang na dapat makamit, ngunit hindi ito kayang isakatuparan ng ilang tao. Dahil hindi kayang bitiwan ng mga taong iyon ang kanilang paghahangad sa makamundong katanyagan at pakinabang, o sa masasamang kalakaran ng mundo, at dahil natatakot silang itiwalag ng mundo, bago pa man umabot sa hustong gulang ang kanilang mga anak, maaga nilang inihahanda ang isip ng mga ito na umangkop sa lipunan at mabilis na makibagay sa lipunan. Kung may mga ganitong magulang ang mga anak, malas sila. Anuman ang mga pamamaraan o dahilan ng pagmamahal, pagtatangi, at pagbabayad ng mga halaga para sa kanila ng kanilang mga magulang, para sa mga anak na may ganitong pamilya, hindi ibig sabihin na magagandang bagay ang mga iyon—masasabi pa nga na mga uri ng kasawian ang mga iyon. Ito ay dahil, sa likod ng mga ekspektasyon ng magulang, ang idinudulot ng mga magulang na iyon sa murang isipan ng kanilang mga anak ay pagkawasak. Sa madaling salita, ang mga ekspektasyon ng mga magulang na iyon, sa totoo lang, ay hindi naman talaga tungkol sa pagkakaroon ng kanilang mga anak ng malusog na isipan at katawan; ang mga ito ay mga ekspektasyon lang na magkaroon ng posisyon ang kanilang mga anak sa lipunan, at hindi maitiwalag ng lipunan ang mga ito. Ang layon ng kanilang mga ekspektasyon ay ang magkaroon ng magandang buhay ang kanilang mga anak, o maging mas nakatataas kaysa sa ibang tao, upang hindi maging pulubi, upang hindi diskriminahin o apihin ng ibang tao, at upang makapasok sa masasamang kalakaran at masasamang grupo ng tao. Mabubuting bagay ba ang mga ito? (Hindi.) Kaya, hindi mo kailangang isapuso ang mga ganitong ekspektasyon ng magulang. Kung minsan nang pinanghawakan ng mga magulang mo ang mga ganitong ekspektasyon sa iyo, o kung nagbayad na sila ng maraming halaga para maisakatuparan ang kanilang mga ekspektasyon sa iyo, kaya pakiramdam mo ay may pagkakautang ka sa kanila, at nilalayon mong gamitin ang buong buhay mo para masuklian ang mga halagang binayaran nila para sa iyo—kung mayroon kang ganitong ideya at hangarin, dapat mo na itong bitiwan ngayon. Wala kang anumang pagkakautang sa kanila, sa halip, sila ang nagdulot ng pagkawasak at pinsala sa iyo. Bukod sa hindi nila natupad ang kanilang mga responsabilidad bilang magulang, sa kabaligtaran, sinaktan ka nila, nagdulot sila ng iba’t ibang pinsala sa iyong murang isipan, at nag-iwan ng maraming masasamang alaala at marka sa iyong isipan. Sa madaling salita, ang mga ganitong magulang ay hindi mabubuting magulang. Kung, bago ka umabot sa hustong gulang, sa kanilang paraan ng pagtuturo, pag-impluwensiya, at pagsasalita sa iyo ay palaging umaasa ang iyong mga magulang na ikaw ay mag-aaral nang mabuti, magtatagumpay, at hindi magiging isang trabahador lamang, na tiyak na magkakaroon ka ng magandang kinabukasan, na ikaw ay kanilang ipagmamalaki at ikagagalak, at ikararangal, kung gayon, sa araw na ito, dapat kang kumawala sa kanilang diumano’y mga kabutihan, at hindi mo na kailangang isapuso ang mga ito. Hindi ba’t tama iyon? (Oo.) Ito ang mga ekspektasyon ng mga magulang para sa kanilang mga anak bago umabot sa hustong gulang ang mga ito.
Ang likas na katangian ng mga ekspektasyon ng mga magulang para sa kanilang mga anak ay hindi nagbabago kapag umabot na sa hustong gulang ang kanilang mga anak. Bagamat ang kanilang mga anak na nasa hustong gulang na ay kaya nang mag-isip para sa sarili, at kayang makipag-usap, magsalita, at makipagtalakayan sa kanila mula sa perspektiba ng isang taong nasa hustong gulang na, ganoon pa rin ang mga kinikimkim na ekspektasyon ng mga magulang sa kanilang mga anak mula sa perspektiba ng isang magulang. Mula sa mga ekspektasyon para sa isang anak na wala pa sa hustong gulang, ang kanilang mga ekspektasyon ay nagiging para sa isang taong nasa hustong gulang na. Bagamat naiiba ang mga ekspektasyon ng magulang para sa mga taong nasa hustong gulang na kumpara sa ekspektasyon para sa mga anak na wala pa sa hustong gulang, bilang mga ordinaryo, tiwaling tao, at miyembro ng lipunan at mundo, pareho pa rin ang kinikimkim na mga ekspektasyon ng mga magulang para sa kanilang mga anak. Umaasa silang magiging maayos ang takbo ng trabaho ng kanilang mga anak, na magkakaroon ang mga ito ng masayang buhay may-asawa at perpektong pamilya, na tataas ang sahod at ranggo ng mga ito, na pahahalagahan ang mga ito ng mga amo ng mga ito, at na magiging maayos ang lahat para sa mga ito sa trabaho, nang hindi nakakaranas ang mga ito ng anumang paghihirap. Ano ang silbi ng mga ekspektasyong ito? (Walang silbi ang mga ito.) Walang silbi at hindi kinakailangan ang mga ito. Iniisip ng mga magulang na kaya nilang basahin ang iyong isipan dahil sila ang nagpalaki at sumuporta sa iyo, kaya naman naniniwala silang alam na nila ang lahat ng iniisip mo, gusto mo, at ang iyong personalidad, kahit na ikaw ay nasa hustong gulang na ngayon. At kahit na isa kang taong nasa hustong gulang na nakapagsasarili, at kaya mo nang kumita ng pera para suportahan ang sarili mo, pakiramdam nila ay kaya ka pa rin nilang kontrolin, at na may karapatan pa rin silang magsalita, makialam, magdesisyon, manghimasok, o maghari-harian pa nga pagdating sa anumang bagay tungkol sa iyo. Ibig sabihin, iniisip nila na maaaring sila ang may huling pasya. Halimbawa, pagdating sa pag-aasawa, kung may nililigawan ka, agad na sasabihin ng iyong mga magulang: “Hindi maganda iyan, hindi siya kasing-edukado mo, hindi siya gaanong kagandahan, at nakatira sa probinsiya ang pamilya niya. Kapag naikasal ka na sa kanya, dadagsa ang kanyang mga kamag-anak mula sa probinsiya, hindi nila alam kung paano gumamit ng banyo, at dudumihan lang nila ang lahat. Tiyak na hindi ka magkakaroon ng magandang buhay niyan. Hindi maganda ito, hindi kita pinapayagang makasal sa kanya!” Hindi ba’t ito ay pangingialam? (Oo.) Hindi ba’t sobra-sobra na ito at nakakasuklam? (Oo, sobra-sobra na ito.) Kailangan pa ring humingi ng pahintulot ang mga anak mula sa kanilang mga magulang kapag naghahanap sila ng katuwang sa buhay. Bilang resulta, may ilang anak ngayon na hindi na nagsasabi sa kanilang mga magulang na nakahanap na sila ng kasintahan, para lang makaiwas sa pangingialam ng kanilang mga magulang. Kapag tinatanong sila ng kanilang mga magulang, “May kasintahan ka na ba?” sinasabi lang nila, “Wala pa, maaga pa, bata pa ako, hindi ko kailangang magmadali,” pero ang totoo, dalawa o tatlong taon na silang may kasintahan, hindi lang nila sinasabi sa kanilang mga magulang. At bakit hindi nila sinasabi sa kanilang mga magulang? Dahil gustong makialam ng kanilang mga magulang sa lahat ng bagay; masyadong pihikan ang mga ito, kaya’t hindi na lang nila ikinukuwento sa kanilang mga magulang ang tungkol sa kanilang kasintahan. Kapag handa na silang magpakasal, direkta na lamang nilang dinadala ang kanilang kasintahan sa bahay ng kanilang mga magulang, at nagtatanong, “Ibinibigay mo ba ang iyong pahintulot? Magpapakasal na ako bukas. Ganito ang gagawin ko sa bagay na ito, papayag man kayo o hindi. Kung hindi kayo papayag, magpapakasal pa rin kami at mag-aanak.” Masyadong nakikialam ang mga magulang na ito sa kanilang mga anak, pati na sa buhay may-asawa ng mga anak. Hangga’t hindi naaayon sa kanilang inaasam ang kasintahan ng kanilang mga anak, kung hindi nila nakakasundo ang mga ito, o kung ayaw nila sa mga ito, susubukan nilang paghiwalayin ang kanilang anak at ang kasintahan nito. Kung hindi papayag ang kanilang anak, sila ay iiyak, gagawa ng gulo, at magbabantang magpapakamatay, hanggang sa puntong hindi malaman ng kanilang mga anak kung maiiyak o matatawa ba ang mga ito—hindi malaman ng mga ito kung ano ang gagawin. May mga anak din na nagsasabing matanda na sila at ayaw nang mag-asawa, at sinasabi sa kanila ng kanilang mga magulang: “Hindi maganda iyan. Umasa akong lalaki ka, mag-aasawa, at magkakaanak. Nasaksihan ko na ang paglaki mo, at ngayon, gusto kong makita na mag-aasawa ka at magkakaanak. Kung magkagayon ay pwede na akong mamatay nang mapayapa. Kung hindi ka mag-aasawa, hinding-hindi ko matutupad ang pangarap na ito. Hindi ako maaaring mamatay, at kung mamatay man ako, hindi ako mamamatay nang mapayapa. Kailangan mong mag-asawa, bilisan mo at humanap ka na ng kasintahan. Ayos lang kahit pansamantalang kasintahan lang ang mahanap mo, at ipakilala mo siya sa akin.” Hindi ba’t pangingialam ito? (Oo.) Pagdating sa pagpili ng kanilang mga anak ng mapapangasawa, maaaring magbigay ng angkop na payo ang mga magulang, maari nilang paalalahanan ang kanilang mga anak, o tulungan ang mga ito na suriin ang kanilang kasintahan, pero hindi sila dapat makialam, hindi nila dapat tulungan ang kanilang mga anak na magdesisyon. May sariling damdamin ang mga anak kung gusto ba nila ang kanilang kasintahan, kung nakakasundo ba nila ito, kung pareho ba ang kanilang mga hilig, at kung magiging masaya ba sila sa hinaharap. Hindi palaging alam ng mga magulang ang mga bagay na ito, at kahit na alam nila, maaari lamang silang magbigay ng mga suhestiyon, hindi sila dapat lantarang humadlang o lubhang makialam sa usaping ito. May mga magulang pa nga na nagsasabing: “Kapag nakahanap ng kasintahan ang anak ko, dapat kapantay ng sa pamilya namin ang katayuan nito sa lipunan. Kung hindi, at may mga motibo sila sa anak ko, hindi ko sila papayagang makasal, kailangan kong putulin ang kanilang mga plano. Kung gusto nilang pumasok sa bahay ko, hindi ko sila papayagan!” Angkop ba ang ekspektasyong ito? Ito ba ay makatwiran? (Hindi ito makatwiran.) Mahalagang bagay ito sa buhay ng kanilang mga anak, hindi makatwirang makialam ang mga magulang dito. Ngunit mula sa perspektiba ng mga magulang na ito, may higit pang dahilan para makialam sila sa mahahalagang bagay sa buhay ng kanilang mga anak. Kung kaswal lang na nagkakaroon ng kaibigan sa ibang kasarian ang kanilang mga anak, hindi sila makikialam, pero kung may kinalaman ito sa mahalagang usapin ng pag-aasawa, iisipin nila na kinakailangan nilang makialam. May mga magulang pa nga na labis na nagsusumikap na tiktikan ang kanilang mga anak, tinitingnan kung sino sa mga ibang kasarian ang mayroon silang mga numero at impormasyon sa kanilang mga telepono at kompyuter, pinakikialaman at minamanmanan ang kanilang mga anak, hanggang sa puntong wala nang matatakbuhan ang kanilang mga anak, kung saan sila ay hindi makalaban, makasagot, o makaiwas sa hadlang na ito. Angkop ba ang ganitong kilos ng isang magulang? (Hindi.) Kung napapasama ng mga magulang ang loob ng kanilang mga anak, ito ay nakakabahala, hindi ba? Ang dapat gawin ng mga magulang para sa kanilang mga anak na nasa hustong gulang na ay ang patuloy na gampanan ang kanilang mga responsabilidad at obligasyon bilang mga magulang, tulungan ang mga anak sa mga landas ng mga ito sa hinaharap, at bigyan ang mga anak ng makatwiran at mahalagang payo, patnubay, at paalala, upang hindi malinlang sa trabaho o kapag nakikipag-ugnayan ang mga ito sa iba’t ibang uri ng tao, pangyayari, at bagay, at upang maiwasan ng mga anak ang paggamit ng mga di-kinakailangang pamamaraan, ang maharap sa mga di-kinakailangang problema, o ang makasuhan pa nga. Ang mga magulang ay dapat tumindig bilang isang taong may karanasan, at bigyan ang kanilang mga anak ng kapaki-pakinabang at mahalagang payo at mga sanggunian. Hinggil sa kung makikinig man sa kanila o hindi ang kanilang mga anak, problema na iyon ng kanilang mga anak. Ang dapat gawin ng mga magulang ay tuparin lamang ang kanilang mga responsabilidad. Hindi makokontrol ng mga magulang kung gaano karaming paghihirap ang daranasin ng kanilang mga anak, kung gaano katinding pasakit ang titiisin ng mga ito, o kung gaano karaming biyaya ang tatamasahin ng mga ito. Kung kinakailangang tiisin ng kanilang mga anak ang ilang malaking pagsubok sa buhay na ito, at itinuturo na nila ang mga bagay na kinakailangang ituro sa kanilang mga anak, ngunit kapag may nangyayari sa kanilang mga anak ay napakasutil pa rin ng mga ito, kung gayon, ang mga anak ay nararapat lang na magdusa, iyon ang kapalaran ng mga ito, at hindi na kailangang sisihin ng mga magulang ang kanilang sarili, hindi ba’t tama iyon? (Oo.) Sa ilang sirkumstansiya, hindi nagiging maayos ang buhay may-asawa ng mga tao, hindi sila magkasundo ng kanilang asawa, at nagpapasya silang magdiborsiyo, at pagkatapos nilang magdiborsiyo, may mga alitan sa kung sino ang magpapalaki sa kanilang mga anak. Umasa ang mga magulang ng mga taong iyon na magiging maayos ang lahat sa trabaho ng kanilang mga anak, na magkakaroon sila ng masayang buhay may-asawa at na walang anumang hidwaan o problema na lilitaw, ngunit sa huli, hindi nangyari ang gusto nila. Dahil dito, nag-aalala ang mga magulang sa kanilang mga anak, umiiyak, nagsusumbong sa kanilang mga kapitbahay tungkol dito, at tinutulungan ang kanilang mga anak na makahanap ng mga abogado para ipaglaban ang kustodiya para sa mga anak nito. May mga magulang pa nga na nakakakita na naagrabyado ang kanilang anak na babae, at tumitindig sila para ipaglaban ang kanilang anak, pumupunta sila sa bahay ng asawa ng kanilang anak at bumubulyaw, “Bakit mo inagrabyado nang ganito ang anak ko? Hindi ko mapapalampas ang panghahamak na ito!” Dinadala pa nga nila ang kanilang mga kamag-anak para maglabas ng galit sa ngalan ng kanilang anak, at humahantong ito sa mga pag-aaway. Bilang resulta, nagdudulot ito ng malaking eskandalo. Kung hindi dumating ang buong pamilya para manggulo, at kung unti-unting humupa ang tensiyon sa pagitan ng mag-asawa, pagkatapos nilang kumalma, malamang ay hindi na sana sila nagdiborsiyo. Ngunit, dahil sa kaguluhang ginawa ng mga magulang na ito, naging malaking isyu ito; hindi na maaayos ang kanilang nasirang pagsasama bilang mag-asawa, at nagkaroon na ito ng lamat. Sa huli, sobrang laking gulo ang ginawa ng mga magulang kaya’t hindi naging maayos ang buhay may-asawa ng kanilang mga anak, at kinailangan ding mag-alala ang mga magulang tungkol dito. Sabihin mo sa Akin, sulit ba ang naging panggugulo? Ano ang silbi ng pangingialam nila sa mga bagay na iyon? May kinalaman man ito sa buhay may-asawa o sa trabaho ng kanilang mga anak, iniisip ng lahat ng magulang na may malaking responsabilidad sila: “Dapat akong makialam, kailangan kong subaybayan at obserbahang mabuti ang bagay na ito.” Inoobserbahan nila kung masaya ba o hindi ang buhay may-asawa ng kanilang mga anak, kung may mga problema ba sa pagmamahalan ng mga ito, at kung may kabit ba ang kanilang mga anak na lalaki o ang kanilang manugang na lalaki. Ang ibang magulang ay nakikialam, namumuna, o nakakaisip pa nga ng mga pakana ukol sa iba’t ibang aspekto ng buhay ng kanilang mga anak para masunod ang kanilang mga ekspektasyon sa buhay may-asawa ng kanilang mga anak o sa iba pang bagay, at lubha itong nakakaapekto sa normal na ayos ng buhay at trabaho ng kanilang mga anak. Hindi ba’t kasuklam-suklam ang mga ganitong magulang? (Oo.) May mga magulang pa nga na nakikialam sa pamumuhay at kagawian sa buhay ng kanilang mga anak, at kapag wala silang magawa, pumupunta sila sa bahay ng kanilang mga anak para makita kung kumusta ang kanilang manugang na babae, para tingnan kung palihim itong nagpapadala ng mga regalo o pera sa sarili nitong pamilya, o kung nakikipagkita ba ito sa ibang lalaki. Para sa kanilang mga anak, talagang kasuklam-suklam at kamuhi-muhi ang mga kilos na ito. Kung magpapatuloy nang ganito ang mga magulang, mararamdaman ng kanilang mga anak na kasuklam-suklam at kamuhi-muhi ito, kaya’t napakalinaw na hindi makatwiran ang mga ganitong kilos. Siyempre, kung titingnan natin ito mula sa ibang perspektiba, ang mga ganitong kilos ay imoral din at walang pagkatao. Anuman ang uri ng mga ekspektasyon mayroon ang mga magulang para sa kanilang mga anak, kapag nasa hustong gulang na ang mga anak, hindi na dapat makialam ang mga magulang sa pamumuhay o trabaho ng mga ito, o sa pamilya ng mga ito, at mas lalong hindi nila dapat pakialaman o kontrolin ang iba’t ibang aspekto ng buhay ng kanilang mga anak. May mga magulang pa nga na talagang mahilig sa pera, at sinasabi nila sa kanilang mga anak: “Para mabilis kang kumita ng mas maraming pera, kailangan mong palakihin ang iyong negosyo. Tingnan mo ang anak ni ganito, pinalawak niya ang kanyang negosyo—malaki na ngayon ang tindahan nila, at ginawa na nilang pang-franchise ang malaking tindahan na iyon, at ngayon ay nakakasama na nila ang kanilang mga magulang sa pagkain at pag-inom nang maayos. Kailangan mong kumita ng mas maraming pera. Kumita ka ng mas maraming pera at magbukas ng mas maraming tindahan, pagkatapos ay maaari tayong magkasamang magtamasa sa iyong tagumpay.” Sa kabila ng mga paghihirap o mga pagnanais ng kanilang mga anak, nais lamang nilang matugunan ang sarili nilang mga kagustuhan at makasariling hangarin; nais lamang nilang gamitin ang kanilang mga anak para kumita ng malaking pera, upang matamo ang kanilang layon na magtamasa ng mga kasiyahan sa laman. Lahat ng ito ay mga bagay na hindi dapat gawin ng mga magulang. Ang mga ito ay imoral at walang pagkatao, at ang gayong mga magulang ay hindi tumutupad sa kanilang mga responsabilidad. Hindi dapat ganito ang saloobin ng mga magulang sa kanilang mga anak na nasa hustong gulang na. Sa halip, sinasamantala ng mga magulang na ito ang kanilang katandaan, nanghihimasok sila sa buhay ng kanilang mga anak na nasa hustong gulang na, pinakikialaman nila ang buhay may-asawa ng kanilang mga anak, at ang iba pang bagay, habang nagkukunwaring nagpapakita ng pagkaresponsable para sa kanilang mga anak. Gaano man kahusay ang mga anak na nasa hustong gulang, anuman ang kanilang kakayahan, katayuan sa lipunan, o ang kanilang kinikita, ito ang kapalarang itinakda ng Diyos para sa kanila—ito ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Hindi dapat nakikialam ang mga magulang sa uri ng pamumuhay ng kanilang mga anak, maliban na lamang kung hindi tumatahak sa tamang landas ang kanilang mga anak o kung nilalabag ng mga ito ang batas, kung magkagayon ay dapat mahigpit na disiplinahin ng mga magulang ang kanilang mga anak. Ngunit, sa mga normal na sitwasyon, kung saan nasa tamang kaisipan at may kakayahang mamuhay at nakapagsasarili ang mga nasa hustong gulang na ito, dapat lang na huwag nang makialam ang mga magulang, dahil nasa hustong gulang na ang kanilang mga anak. Kung kakaabot pa lang sa hustong gulang ang kanilang mga anak, at sila ay 20 o 21 taong gulang, at hindi pa rin nila alam ang iba’t ibang komplikadong sitwasyon sa lipunan, o kung paano umasal sa buhay, at hindi nila naiintindihan kung paano makipag-ugnayan sa iba, at mahina ang mga kasanayan ng mga anak na ito sa pamumuhay, kung gayon, dapat silang bigyan ng tamang tulong ng mga magulang, na magbibigay-daan sa kanila na unti-unting marating ang puntong kaya na nilang mamuhay nang nakapagsasarili. Ito ay tinatawag na pagtupad sa kanilang responsabilidad. Subalit, sa sandaling mailagay na nila sa tamang landas ang kanilang mga anak, at may abilidad nang makapamuhay ang mga ito nang nakapagsasarili, dapat ay hindi na makialam ang mga magulang. Hindi nila dapat patuloy na tratuhin ang kanilang mga anak na parang wala pa sa hustong gulang o na parang may kakulangan sa pag-iisip ang mga ito. Hindi sila dapat magkaroon ng anumang di-makatotohanang ekspektasyon sa kanilang mga anak, o manghimasok sa pribadong buhay ng kanilang mga anak o sa mga saloobin, pananaw, at kilos ng mga ito patungkol sa trabaho, pamilya, pag-aasawa, mga tao, at mga pangyayari, habang nagkukunwaring mayroon silang mga ekspektasyon sa kanilang mga anak. Kung gagawin nila ang alinman sa mga bagay na iyon, hindi sila tumutupad sa kanilang mga responsabilidad.
Kapag kaya ng kanilang mga anak na mamuhay nang nakapagsasarili, ang dapat gawin ng mga magulang ay magpakita lang ng pagmamalasakit sa kanilang mga anak at ng karampatang pag-aalaga pagdating sa trabaho, buhay, at pamilya ng mga ito, o magbigay ng naaangkop na tulong sa mga sitwasyon kung saan hindi kaya ng kanilang mga anak na isakatuparan o pangasiwaan ang isang bagay gamit ang kanilang sariling mga abilidad. Halimbawa, sabihin nating mayroong sanggol ang iyong anak, at silang mag-asawa ay parehong napakaabala sa trabaho. Napakaliit pa ng sanggol, at kung minsan ay walang mag-aalaga rito. Sa mga ganitong sitwasyon, maaari mong tulungan ang iyong anak na alagaan ang kanilang sanggol. Ito ang responsabilidad ng isang magulang, dahil dugo at laman mo ang sanggol, at mas ligtas kung ikaw ang mag-aalaga ng kanilang sanggol kaysa sa ibang tao. Kung pinagkakatiwalaan ka ng iyong anak na mag-alaga sa kanyang sanggol, dapat mo itong alagaan. Kung hindi sila panatag na ipagkatiwala sa iyo ang kanilang sanggol at ayaw nilang alagaan mo ito, o kung hindi sila papayag na alagaan mo ito dahil iniingatan ka nila, dahil iniisip ka nila, at nangangamba silang baka hindi kayanin ng katawan mo, kung gayon ay hindi mo sila dapat sumbatan. May mga anak pa nga na sadyang hindi nagtitiwala sa kanilang mga magulang, iniisip nila na hindi kaya ng kanilang mga magulang na mag-alaga ng isang sanggol, na marunong lang na magpalayaw ng maliliit na bata ang kanilang mga magulang pero hindi marunong magturo sa mga bata, at hindi rin maingat pagdating sa kinakain ng mga bata. Kung walang tiwala sa iyo ang anak mo at ayaw nitong ikaw ang mag-alaga sa kanilang sanggol, mas mainam iyon, magkakaroon ka ng mas maraming libreng oras. Ito ay tinatawag na pagkakasundo ng parehong panig: Parehong hindi nakikialam sa isa’t isa ang magulang at anak, at kasabay nito ay nagpapakita sila ng konsiderasyon sa isa’t isa. Kapag nangangailangan ng tulong, pagmamalasakit, at pag-aalaga ang kanilang mga anak, kailangan lang magbigay ng angkop at karampatang pagmamalasakit, pag-aalaga, at pinansyal na suporta ang mga magulang sa kanilang mga anak sa emosyonal o iba pang aspekto. Halimbawa, ipagpalagay na mayroong kaunting ipon ang isang magulang, o magaling sila sa kanilang trabaho at mayroong pinagkakakitaan. Kapag nangangailangan ng pera ang kanilang mga anak, maaari silang magbigay ng kaunting tulong kung kaya nila. Kung hindi nila kaya, hindi nila kinakailangang isuko ang lahat ng kanilang ari-arian o mangutang ng pera mula sa loan shark para lang matulungan ang kanilang mga anak. Kailangan lamang nilang gawin kung ano ang makakaya nila para tuparin ang mga responsabilidad na mayroon sila sa balangkas ng pagiging magkapamilya. Hindi kailangang ipagbili ang lahat ng mayroon sila, o ibenta ang kanilang mga kidney o dugo, o magtrabaho nang todo para lang matulungan ang kanilang mga anak. Ang buhay mo ay pagmamay-ari mo, ito ay ibinigay sa iyo ng Diyos, at mayroon kang sarili mong mga misyon. Taglay mo ang buhay na ito para maisakatuparan mo ang mga misyon na iyon. Taglay din ng iyong mga anak ang kanilang buhay para matapos nila ang kanilang mga landas sa buhay at makumpleto ang kanilang mga misyon sa buhay, hindi para maging mabuting anak sa iyo. Samakatuwid, nasa hustong gulang man ang kanilang mga anak o hindi pa, ang buhay ng mga magulang ay pagmamay-ari lamang nila, hindi pagmamay-ari ng kanilang mga anak. Natural na hindi libreng yaya o alipin sa kanilang mga anak ang mga magulang. Anuman ang mga ekspektasyon ng mga magulang sa kanilang mga anak, hindi ibig sabihin na hahayaan na lamang nila ang kanilang mga anak na basta-basta silang utus-utusan nang walang anumang kabayaran, o na maging utusan, kasambahay, o alipin sila ng kanilang mga anak. Anuman ang mga damdamin mo para sa iyong mga anak, ikaw ay isa pa ring taong nakapagsasarili. Hindi mo dapat akuin ang responsabilidad sa kanilang buhay kapag nasa hustong gulang na sila, na para bang ganap na tamang gawin iyon, dahil lang sa sila ay mga anak mo. Hindi mo kailangang gawin ito. Sila ay mga taong nasa hustong gulang na; natupad mo na ang iyong responsabilidad na palakihin sila. Mamumuhay man sila nang maayos o hindi sa hinaharap, kung sila man ay magiging mayaman o mahirap, at kung sila man ay mamumuhay nang masaya o malungkot, personal na nilang usapin iyon. Walang kinalaman ang mga bagay na ito sa iyo. Bilang isang magulang, wala kang obligasyon na baguhin ang mga bagay na iyon. Kung hindi masaya ang kanilang buhay, hindi ka obligadong sabihin na: “Hindi ka masaya—mag-iisip ako ng paraan para ayusin ito, ibebenta ko ang lahat ng ari-arian ko, uubusin ko ang lahat ng lakas ko sa buhay para pasayahin ka.” Hindi mo kinakailangang gawin ito. Kailangan mo lang tuparin ang iyong mga responsabilidad, iyon lang. Kung gusto mo silang tulungan, maaari mo silang tanungin kung bakit hindi sila masaya, at tulungan silang maunawaan ang problema sa teoretikal at sikolohikal na antas. Kung tatanggapin nila ang tulong mo, mas mainam pa iyon. Kung hindi, kailangan mo lang tuparin ang iyong mga responsabilidad bilang magulang, at wala nang iba pa. Kung gusto ng iyong mga anak na maghirap, problema na nila iyon. Hindi mo kailangang mag-alala o mabahala tungkol dito, o na hindi makakain o makatulog nang maayos. Sobra-sobra na kung gagawin mo iyon. Bakit sobra-sobra na? Dahil nasa hustong gulang na sila. Dapat silang matutong mamahala sa lahat ng bagay na kinakaharap nila sa buhay nang sila lang. Kung nag-aalala ka sa kanila, iyan ay pagmamahal lang; kung hindi ka nag-aalala sa kanila, hindi ito nangangahulugang wala kang puso, o na hindi mo natupad ang iyong mga responsabilidad. Sila ay nasa hustong gulang na, at ang mga nasa hustong gulang ay dapat humarap sa mga problema ng ganitong edad at pangasiwaan ang lahat ng bagay na dapat gawin ng mga taong nasa hustong gulang. Hindi sila dapat umasa sa kanilang mga magulang sa lahat ng bagay. Siyempre, hindi dapat akuin ng mga magulang ang responsabilidad sa kung magiging maayos ba ang mga trabaho, propesyon, pamilya, o buhay may asawa ng kanilang mga anak kapag nasa hustong gulang na ang mga ito. Maaari kang mag-alala tungkol sa mga bagay na ito, at maaari kang magtanong tungkol dito, ngunit hindi mo kailangang lubusang pangasiwaan ang mga ito, iginagapos ang iyong mga anak sa tabi mo, dinadala sila kahit saan ka magpunta, binabantayan sila kahit saan ka magpunta, at iniisip sila: “Kumakain kaya sila nang maayos ngayon? Masaya kaya sila? Maayos kaya ang trabaho nila? Pinahahalagahan ba sila ng kanilang amo? Mahal ba sila ng kanilang asawa? Masunurin ba ang kanilang mga anak? Matataas ba ang marka ng kanilang mga anak?” Ano ang kinalaman ng mga bagay na ito sa iyo? Kayang lutasin ng iyong mga anak ang sarili nilang mga problema, hindi mo kailangang makialam. Bakit Ko itinatanong kung ano ang kinalaman ng mga bagay na ito sa iyo? Ang ibig Kong sabihin dito ay walang kinalaman sa iyo ang mga bagay na iyon. Natupad mo na ang iyong mga responsabilidad sa iyong mga anak, napalaki mo na sila tungo sa hustong gulang, kaya dapat ay huwag ka nang makialam. Sa sandaling gawin mo ito, hindi ibig sabihin na wala ka nang gagawin. Napakarami pa ring bagay na dapat mong gawin. Pagdating sa mga misyong kinakailangan mong tapusin sa buhay na ito, bukod sa pagpapalaki ng iyong mga anak tungo sa hustong gulang, mayroon ka pang ibang misyon na dapat tapusin. Maliban sa pagiging magulang sa iyong mga anak, ikaw ay isang nilikha. Dapat kang humarap sa Diyos at dapat mong tanggapin ang iyong tungkulin mula sa Kanya. Ano ang iyong tungkulin? Natapos mo na ba ito? Inialay mo na ba ang iyong sarili rito? Natahak mo na ba ang landas tungo sa kaligtasan? Ito ang mga bagay na dapat mong pag-isipan. Tungkol sa kung saan susunod na pupunta ang iyong mga anak kapag nasa hustong gulang na sila, kung ano ang magiging buhay nila, kung ano ang magiging mga sitwasyon nila, kung magiging masaya at masigla sila, walang kinalaman sa iyo ang mga bagay na ito. Nakapagsasarili na ang iyong mga anak, sa legal at mental na aspekto. Dapat mo silang hayaan na makapagsarili, dapat kang bumitiw, at hindi mo sila dapat subukang kontrolin. Sa aspekto man ng pormalidad, pagmamahal, o mga ugnayan ng pamilya, natupad mo na ang iyong mga responsabilidad, at wala nang ugnayan sa pagitan mo at ng iyong mga anak. Walang kaugnayan ang kanilang mga misyon at ang iyong mga misyon, at walang kaugnayan ang mga landas sa buhay na kanilang tinatahak at ang iyong mga ekspektasyon. Natapos na ang iyong mga ekspektasyon para sa kanila at ang iyong mga responsabilidad sa kanila. Natural na hindi ka dapat magkaroon ng mga ekspektasyon sa kanila. Sila ay sila, at ikaw ay ikaw. Kung hindi mag-aasawa ang iyong mga anak, kung gayon, pagdating sa inyong kapalaran at misyon, kayo ay ganap na hindi konektado at mga indibidwal na nakapagsasarili. Kung mag-aasawa sila at magsisimula ng pamilya, kung gayon, ang inyong mga pamilya ay ganap na mga pamilyang hindi konektado. Ang iyong mga anak ay may kanilang mga kagawian at pamumuhay, mayroon silang mga pangangailangan ukol sa kalidad ng kanilang buhay, at mayroon ka ring mga kagawian mo at iyong mga pangangailangan ukol sa kalidad ng iyong buhay. Mayroon kang sariling landas sa buhay at sila ay mayroon ding kanilang mga landas sa buhay. Mayroon kang sariling mga misyon, at sila ay mayroon ding kanilang mga misyon. Siyempre, mayroon kang sariling pananampalataya, at mayroon din sila. Kung ang kanilang pananampalataya ay nakasalalay sa pera, katanyagan, at pakinabang, kayo ay ganap na magkaibang tao. Kung magkapareho kayo ng pananampalataya, kung hinahangad nila ang katotohanan at tinatahak ang landas ng kaligtasan, natural lang na kayo ay ganap na magkaibang indibidwal pa rin. Ikaw ay ikaw, at sila ay sila. Hindi mo kailangang makialam pagdating sa landas na tinatahak nila. Maaari mo silang suportahan, tulungan, at tustusan, maaari mo silang paalalahanan at payuhan, pero hindi mo kailangang makialam o makisangkot. Walang sinuman ang makapagpapasya kung anong uri ng landas ang tatahakin ng isang tao, kung magiging anong uri sila ng tao, o kung ano ang uri ng kanilang magiging mga paghahangad. Pag-isipan ito, sa anong batayan Ako nakaupo rito, nakikipag-usap sa inyo at nagsasalita sa inyo tungkol sa lahat ng bagay na ito? Batay sa inyong kahandaang makinig. Nagsasalita Ako dahil handa kayong makinig sa Aking mga taimtim na payo. Kung hindi kayo handang makinig, o kung aalis kayo, hindi na Ako magsasalita. Ang bilang ng mga salitang binibigkas Ko ay nakasalalay sa kung handa kayong makinig at kung handa kayong gumugol ng inyong oras at enerhiya para dito. Kung sasabihin mo, “Hindi ko naiintindihan ang sinasabi Mo, maaari bang gawin Mong mas detalyado?” kung gayon, gagawin Ko ang lahat ng Aking makakaya para maging mas detalyado, upang maipaunawa sa iyo ang Aking mga salita at nang makapasok ka sa mga ito. Kapag nailagak na kita sa tamang landas, nadala ka sa harap ng Diyos at ng katotohanan, at naipaunawa sa iyo ang katotohanan at kapag napasunod kita sa daan ng Diyos, matatapos na ang Aking gampanin. Subalit, pagdating sa kung magiging handa ka bang isagawa ang Aking mga salita matapos marinig ang mga ito, o kung anong uri ng landas ang tatahakin mo, anong uri ng buhay ang pipiliin mo, o kung ano ang hahangarin mo, hindi Ko na problema ang mga bagay na ito. Kung sasabihin mo, “May tanong ako tungkol sa aspektong iyon ng katotohanan, gusto ko itong hanapin,” matiyaga Kong sasagutin ang iyong tanong. Kung hindi mo nanaising hanapin ang katotohanan kahit kailan, pupungusan ba kita dahil doon? Hindi. Hindi kita pipiliting hanapin ang katotohanan, o kukutyain o pagtatawanan, at lalong hindi Ako manlalamig sa iyo. Aakto pa rin Ako gaya nang dati. Kung makagagawa ka ng kamalian sa iyong tungkulin o sadyang magdudulot ng pagkagambala o kaguluhan, mayroon Akong mga prinsipyo at pamamaraan para pangasiwaan ka. Subalit, maaaring sabihin mo na: “Ayaw kitang marinig na nagsasalita tungkol sa mga bagay na ito, at hindi ako handang tanggapin ang mga pananaw Mo na iyan. Patuloy kong gagampanan ang aking tungkulin gaya nang dati.” Kung gayon, hindi ka dapat lumabag sa mga prinsipyo o sa mga atas administratibo. Kung lalabag ka sa mga atas administratibo, pangangasiwaan kita. Ngunit kung hindi ka lalabag sa mga atas administratibo, at kaya mong umasal nang maayos habang namumuhay ng buhay-iglesia, hindi Ako makikialam sa iyo, kahit na hindi mo hinahangad ang katotohanan. Hindi Ako makikialam pagdating sa iyong personal na buhay, sa kung ano ang gusto mong kainin, suotin, o sinong mga tao ang gusto mong makasalamuha. Binibigyang-kalayaan kita sa mga aspektong ito. Bakit ganoon? Nalinaw Ko na sa iyo ang lahat ng prinsipyo at nilalaman tungkol sa mga usaping ito. Ang natitira ay nakasalalay na sa sarili mong mga pagpapasya. Ang landas na pinipili mong tahakin ay nakasalalay sa kung anong uri kang tao, malinaw ito. Kung hindi ka isang taong nagmamahal sa katotohanan, sino ang makakapilit sa iyo na mahalin ito? Sa huli, ang bawat tao ang may pananagutan sa landas na kanilang tinatahak, at sa mga resultang papasanin nila. Hindi Ko kailangang panagutan ito. Kung hahangarin mo ang katotohanan, gawin mo nang kusang-loob. Kung hindi mo hahangarin ang katotohanan, gawin mo rin nang kusang-loob—walang pumipigil sa iyo. Kung talagang hahangarin mo ang katotohanan, walang maghihikayat sa iyo, at hindi ka bibigyan ng espesyal na biyaya o mga materyal na pagpapala. Ginagampanan at tinutupad Ko lamang ang Aking mga responsabilidad, sinasabi sa inyo ang lahat ng katotohanan na dapat ninyong maunawaan at kailangan ninyong pasukin. Tungkol sa kung paano kayo namumuhay sa inyong pribadong buhay, hindi Ako kailanman nag-usisa o nakialam tungkol dito. Ito ang saloobing taglay Ko. Dapat ganito rin ang ipakita ng mga magulang sa kanilang mga anak. Ang mga taong nasa hustong gulang ay may kakayahang tukuyin ang tama sa mali. Nasa sa kanila na iyon kung pipiliin nila ang tama o mali, kung pipiliin nila ang itim o puti, kung pipiliin nila ang mga positibo o negatibong bagay—depende ito sa mga pangangailangan ng kanilang kalooban. Kung masama ang diwa ng isang tao, hindi niya pipiliin ang mga positibong bagay. Ngunit kung nagsisikap ang isang tao na maging mabuti, at nagtataglay siya ng pagkatao, kamalayan ng konsensiya, at pakiramdam ng kahihiyan, pipiliin niya ang mga positibong bagay; kahit na medyo mabagal siya sa paggawa niyon, sa huli ay tatahakin niya ang tamang landas. Ito ay hindi maiiwasan. Kaya, dapat magkaroon ng ganitong saloobin ang mga magulang sa kanilang mga anak, at hindi sila dapat manghimasok sa mga desisyon ng kanilang mga anak. Ang mga hinihingi ng ilang magulang sa kanilang mga anak ay: “Ang aming mga anak ay dapat na tumahak sa tamang landas, manampalataya sa Diyos, tumalikod sa sekular na mundo, at bumitiw sa kanilang trabaho. Kung hindi, kapag pumasok na kami sa kaharian, hindi makakapasok ang aming mga anak, at mahihiwalay kami sa kanila. Napakaganda sana kung ang buong pamilya namin ay sama-samang makakapasok sa kaharian! Maaari kaming magsama sa langit, tulad ng pagsasama namin dito sa lupa. Habang nasa kaharian kami, hindi namin dapat iwan ang isa’t isa, dapat magkakasama kami sa buong kapanahunan!” Subalit, hindi naman pala nananampalataya ang kanilang mga anak sa Diyos, bagkus ay hinahangad ng mga ito ang mga makamundong bagay, at nagsusumikap na kumita ng maraming pera at na maging napakayaman; sinusuot nila ang anumang uso, ginagawa at pinag-uusapan nila ang anumang sikat, at hindi nila tinutupad ang mga kahilingan ng kanilang mga magulang. Bilang resulta, sumasama ang loob ng mga magulang na ito, nagdarasal at nag-aayuno ang mga ito dahil dito, nag-aayuno nang isang linggo, 10 araw, o nang dalawang linggo, at nagsusumikap nang husto para sa kapakanan ng kanilang mga anak tungkol sa usaping ito. Madalas silang nagugutom na nakakaramdam na sila ng pagkahilo, at madalas silang nagdarasal sa harap ng Diyos habang umiiyak. Subalit, kahit gaano pa sila magdasal o gaano man sila magsikap, hindi naaantig ang kanilang mga anak at hindi alam ng mga ito kung paano mamulat. Habang mas lalong tumatangging manampalataya ang kanilang mga anak, mas lalong naiisip ng mga magulang na ito na: “Naku, binigo ko ang aking mga anak, nadismaya sila nang dahil sa akin. Hindi ko naipalaganap ang ebanghelyo sa kanila, at hindi ko sila naisama tungo sa landas ng kaligtasan. Ang mga hangal na iyon—ito ang landas ng kaligtasan!” Hindi sila mga hangal; sadyang wala silang ganitong pangangailangan. Ang mga magulang na ito ang mga hangal, dahil sinusubukan nilang itulak ang kanilang mga anak patungo sa landas na ito, hindi ba? Kung may ganitong pangangailangan ang kanilang mga anak, kinakailangan pa ba ng mga magulang na magsalita tungkol sa mga bagay na ito? Kusa nang mananampalataya ang kanilang mga anak. Palaging iniisip ng mga magulang na ito: “Binigo ko ang mga anak ko. Bata pa lamang sila ay hinikayat ko na silang magkolehiyo, at simula nang magkolehiyo sila, hindi na sila nag-iba ng landas. Hindi sila tumitigil sa paghahangad ng mga makamundong bagay, at sa tuwing bumabalik sila, wala silang ibang kinukwento kundi ang tungkol sa trabaho, pagkita ng pera, tungkol sa kung sino ang itinaas ang ranggo o bumili ng kotse, sino ang nakapag-asawa ng mayaman, sino ang pumunta ng Europa para mag-advance studies o maging exchange student, at sinasabi nila kung gaano kaganda ang takbo ng buhay ng ibang tao. Sa tuwing umuuwi sila, ikinukwento nila ang mga bagay na iyon, at ayaw kong marinig ang mga iyon, pero wala akong magawa. Kahit anong sabihin ko para mahimok silang manampalataya sa Diyos, ayaw pa rin nilang makinig.” Dahil dito, nagkakaroon ng hidwaan ang mga magulang at ang kanilang mga anak. Sa tuwing nakikita nila ang kanilang mga anak, sumasama ang ekspresyon ng kanilang mga mukha; kapag nakikipag-usap sila sa kanilang mga anak, sumisimangot sila. Hindi alam ng ibang anak kung ano ang gagawin, at iniisip nila na: “Hindi ko alam kung ano ang problema sa mga magulang ko. Kung hindi ako nananampalataya sa Diyos, edi hindi. Bakit ba palaging ganito ang trato nila sa akin? Akala ko pa naman, kapag mas nananampalataya ang isang tao sa Diyos, nagiging mas mabuting tao siya. Bakit napakaliit ng pagmamahal ng mga mananampalataya para sa kanilang mga pamilya?” Masyadong nag-aalala ang mga magulang na ito sa kanilang mga anak na halos puputok na ang kanilang ugat, at sinasabi nila na: “Hindi ko sila anak! Pinuputol ko na ang anumang ugnayan namin, itinatakwil ko na sila!” Sinasabi lang nila iyon, pero hindi talaga iyon ang nararamdaman nila. Hindi ba’t hangal ang mga ganitong magulang? (Oo.) Palagi nilang gustong kontrolin at pangasiwaan ang lahat, palaging gustong pangasiwaan ang kinabukasan ng kanilang mga anak, ang pananalig at ang mga landas na tinatahak ng mga ito. Napakahangal nito! Hindi ito nararapat. Sa partikular, may mga anak na naghahangad ng mga makamundong bagay, mga anak na na-promote sa mga posisyon ng pamamahala at kumikita ng maraming pera. Nag-uuwi sila ng bulto-bultong ginseng, mga gintong hikaw, at gintong kuwintas bilang regalo sa kanilang mga magulang, at sinasabi ng kanilang mga magulang: “Ayaw ko sa mga bagay na ito, ang gusto ko lamang ay maging malusog kayo, at sumunod kayo sa akin sa pananampalataya sa Diyos. Ang pananampalataya sa Diyos ay isang napakagandang bagay!” At sinasabi naman ng kanilang mga anak: “Huwag mo nang umpisahan iyan. Na-promote na ako, at wala ka man lang ginawa para batiin ako. Kapag nababalitaan ng ibang magulang na na-promote ang kanilang mga anak, nagbubukas sila ng champagne, kumakain sila sa mga mamahaling restawran, ngunit kapag binibilhan kita ng mga kuwintas at hikaw, hindi ka masaya. Ano ang nagawa kong pagkukulang sa iyo? Nagtatampo lang kayo dahil hindi ako nananampalataya sa Diyos.” Tama bang magtampo ang mga magulang nang ganito? May iba’t ibang paghahangad ang mga tao, iba’t ibang landas ang tinatahak nila, at sila mismo ang pumipili sa mga landas na ito. Dapat harapin ng mga magulang ang bagay na ito nang tama. Kung hindi kinikilala ng iyong mga anak ang pag-iral ng Diyos, hindi mo dapat igiit na manampalataya sila sa Diyos—hindi kailanman nagtatagumpay ang pagpilit sa mga bagay-bagay. Kung ayaw nilang manampalataya sa Diyos, at hindi sila ganoong uri ng tao, kung gayon, kapag mas binabanggit mo ito, mas lalo kang maiinis sa kanila at maiinis din sila sa iyo—pareho lang kayong maiinis. Ngunit ang pagkainis ninyong pareho ay hindi ang mahalaga—ang pinakamahalaga ay na kamumuhian ka ng Diyos, at sasabihin Niya na napakatindi ng pagmamahal mo. Dahil kaya mong magbayad ng napakalaking halaga dahil lang sa hindi nananampalataya sa Diyos ang mga anak mo, at lubos na masama ang loob mo dahil hinahangad nila ang mga makamundong bagay, kung isang araw ay kuhain sila ng Diyos, ano ang gagawin mo? Magrereklamo ka ba sa Diyos? Kung sa puso mo, ang iyong mga anak ang lahat-lahat sa iyo, kung sila ang iyong kinabukasan, ang iyong pag-asa, at ang iyong buhay, kung gayon, isa ka pa rin bang taong nananampalataya sa Diyos? Hindi ba’t kasusuklaman ka ng Diyos dahil ganito ang ikinikilos mo? Ang pagkilos mo ay napakahangal, hindi tugma sa mga prinsipyo, at hindi masisiyahan ang Diyos dito. Kaya, kung matalino ka, hindi mo gagawin ang mga ganitong bagay. Kung hindi nananampalataya ang mga anak mo, dapat hayaan mo na lang sila. Naiparating mo na ang lahat ng argumento na dapat mong iparating, at nasabi mo na ang nararapat mong sabihin, kaya hayaan mo silang gumawa ng sarili nilang mga pagpapasya. Patuloy mong ingatan ang relasyon na mayroon ka sa iyong mga anak. Kung nais nilang maging mabuting anak sa iyo, kung gusto ka nilang pahalagahan at alagaan, hindi mo ito kailangang tanggihan. Kung gusto ka nilang dalhin para mamasyal sa Europa, ngunit nakakahadlang ito sa paggampan mo sa iyong tungkulin, at ayaw mong sumama, kung gayon ay huwag ka nang sumama. Pero kung nais mong sumama, at may oras ka, kung gayon ay sumama ka. Walang masama sa pagpapalawak ng iyong mga kaalaman. Hindi madudumihan ang iyong mga kamay rito, at hindi ito kokondenahin ng Diyos. Kung bibilhan ka ng iyong mga anak ng ilang magandang bagay, masarap na pagkain o mga damit, at iniisip mo na nababagay sa isang santo na suotin o gamitin ang mga ito, kung gayon ay tamasahin mo ang mga ito, at ituring na biyaya mula sa Diyos. Kung ayaw mo sa mga bagay na iyon, kung hindi ka nasisiyahan sa mga ito, kung sa tingin mo ay sagabal at kasuklam-suklam ang mga ito, at kung ayaw mong tamasahin ang mga ito, maaari mong tanggihan ang mga ito, sabihin na: “Masaya na ako na makita kayo, hindi ninyo kailangang magdala ng mga regalo o gumastos para sa akin, hindi ko kailangan ang mga bagay na iyon. Gusto ko lang na maging ligtas at masaya kayo.” Hindi ba’t kahanga-hanga iyon? Kung sasabihin mo ang mga salitang ito, at pinaniniwalaan mo ang mga bagay na ito sa iyong puso, kung talagang hindi mo hinihingi sa iyong mga anak na magtustos sa iyo ng anumang materyal na kaginhawahan, o na tulungan ka na makibahagi sa kanilang tagumpay, kung gayon ay hahangaan ka ng iyong mga anak, hindi ba? Tungkol naman sa anumang paghihirap nila sa trabaho o buhay, gawin mo ang lahat ng iyong makakaya na tulungan sila sa tuwing may magagawa ka. Kung ang pagtulong sa kanila ay makakaapekto sa paggampan mo ng iyong tungkulin, maaari kang tumanggi—karapatan mo iyon. Dahil wala ka nang anumang pananagutan sa kanila, dahil wala ka nang anumang responsabilidad sa kanila, at sila ay mga nasa hustong gulang na at marunong magsarili, kaya na nilang pamahalaan ang sarili nilang buhay. Hindi mo sila kailangang paglingkuran nang walang kondisyon o sa lahat ng oras. Kung hihingan ka ng tulong ng iyong mga anak, at ayaw mo silang tulungan, o kung makakaapekto ito sa paggampan mo ng iyong tungkulin, maaari kang tumanggi. Karapatan mo iyon. Bagamat kadugo mo sila, at ikaw ang magulang nila, ito ay isang relasyon lamang ng pormalidad, dugo, at pagmamahalan—pagdating sa iyong mga responsabilidad, malaya ka na mula sa ugnayan ninyo. Kaya, kung matalino ang mga magulang, hindi sila magkakaroon ng anumang ekspektasyon, hinihingi, o pamantayan para sa kanilang mga anak kapag umabot na ang mga ito sa hustong gulang, at, mula sa perspektiba o posisyon ng isang magulang, hindi nila hihingiin na kumilos sa partikular na paraan ang kanilang mga anak o na gumawa ng mga partikular na bagay, dahil nakapagsasarili na ang kanilang mga anak. Kapag ang iyong mga anak ay nakapagsasarili na, ibig sabihin ay natupad mo na ang lahat ng iyong responsabilidad sa kanila. Kaya, anuman ang gawin mo para sa iyong mga anak kapag pinahihintulutan ng mga sitwasyon, pinakikitaan mo man sila ng malasakit o pag-aalaga, ito ay pagmamahal lamang, at ito ay kalabisan. O kung hihilingin sa iyo ng mga anak mo na gumawa ng isang bagay, iyon ay kalabisan din, hindi ito isang bagay na tungkulin mong gawin. Dapat mong maunawaan ito. Malinaw na ba ang mga bagay na ito? (Oo.)
Ipagpalagay nang may isa sa inyo ang magsasabi: “Hindi ko kayang bitiwan ang mga anak ko kailanman. Ipinanganak sila na may mahinang katawan, at likas silang duwag at mahina ang loob. Hindi rin gaanong mahusay ang kakayahan nila at palagi silang inaapi ng ibang tao. Hindi ko sila kayang bitiwan.” Kung hindi mo kayang bitiwan ang iyong mga anak, hindi ito nangangahulugan na hindi ka pa tapos sa pagtupad ng iyong mga responsabilidad sa kanila, ito ay bunga lamang ng iyong mga damdamin. Maaaring sabihin mo: “Palagi akong nag-aalala at napapaisip kung kumakain ba nang maayos ang mga anak ko, o kung mayroon silang anumang problema sa tiyan. Kung hindi sila kumakain sa tamang oras at palagi na lang nag-oorder ng pagkain sa labas sa loob ng mahabang panahon, magkakaroon ba sila ng mga problema sa tiyan? Magkakasakit ba sila? At kung may sakit sila, mayroon bang mag-aalaga sa kanila, magpapakita ng pagmamahal sa kanila? Mag-aalala ba sa kanila ang kanilang mga asawa at aalagaan sila?” Ang iyong mga alalahanin ay sadyang nagmumula sa iyong mga damdamin at sa pagiging magkadugo ninyo ng mga anak mo, ngunit ang mga ito ay hindi mo mga responsabilidad. Ang mga responsabilidad na ibinigay ng Diyos sa mga magulang ay ang mga responsabilidad lamang ng pagpapalaki at pag-aalaga sa kanilang mga anak bago umabot sa hustong gulang ang mga ito. Kapag nasa hustong gulang na ang kanilang mga anak, wala nang responsabilidad sa kanila ang mga magulang. Ito ang pagtingin sa mga responsabilidad na dapat tuparin ng mga magulang mula sa perspektiba ng ordinasyon ng Diyos. Nauunawaan mo ba ito? (Oo.) Gaano man kalakas ang iyong mga damdamin o kapag umandar na ang iyong likas na pagiging magulang, hindi ito pagtupad sa iyong mga responsabilidad; ito ay bunga lamang ng iyong mga damdamin. Ang mga bunga ng iyong damdamin ay hindi nagmumula sa katwiran ng pagkatao, o sa mga prinsipyo na itinuro ng Diyos sa tao, o sa pagpapasakop ng tao sa katotohanan, at lalong hindi nagmumula ang mga ito sa mga responsabilidad ng tao; bagkus, ito ay nagmumula sa mga damdamin ng tao—mga damdamin ang tawag sa mga ito. May kaunti lang na pagmamahal at pagiging kapamilya ng magulang ang nakapaloob dito. Dahil mga anak mo sila, palagi kang nag-aalala sa kanila, iniisip mo kung nagdurusa ba sila, at kung sila ba ay inaapi. Iniisip mo kung maayos ba ang takbo ng kanilang trabaho, at kung kumakain ba sila sa tamang oras. Iniisip mo kung may sakit ba sila, at kung makakaya ba nilang bayaran ang kanilang mga gastusin sa pagpapagamot kung sakaling magkasakit nga sila. Madalas mong iniisip ang mga bagay na ito, at wala talagang kinalaman ang mga ito sa iyong mga responsabilidad bilang magulang. Kung hindi mo mabitiwan ang mga alalahaning ito, masasabi lang na namumuhay ka nang nababalot sa iyong mga damdamin at hindi ka makalaya mula sa mga ito. Namumuhay ka lang nang nababalot sa iyong mga damdamin, pinangangasiwaan ang iyong mga anak ayon sa iyong mga damdamin, sa halip na mamuhay ayon sa depinisyon ng mga responsabilidad ng magulang na ibinigay ng Diyos. Hindi ka namumuhay ayon sa mga salita ng Diyos, dinadama, tinitingnan, at pinangangasiwaan mo lang ang lahat ng bagay na ito ayon sa iyong mga damdamin. Nangangahulugan ito na hindi mo sinusunod ang daan ng Diyos. Malinaw ito. Ang iyong mga responsabilidad bilang magulang—ayon sa itinuro sa iyo ng Diyos—ay natapos na sa sandaling nasa hustong gulang na ang iyong mga anak. Hindi ba’t madali at simple ang paraan ng pagsasagawa na itinuro sa iyo ng Diyos? (Oo.) Kung magsasagawa ka ayon sa mga salita ng Diyos, hindi ka gagawa ng mga walang kabuluhang bagay, at bibigyan mo ng kalayaan ang iyong mga anak, at ng pagkakataon na mapaunlad ang kanilang sarili, nang hindi nagdudulot ng dagdag na problema o abala sa kanila, o ng dagdag na pasanin sa kanila. At dahil sila ay nasa hustong gulang na, ang paggawa nito ay magbibigay-daan sa kanila na harapin ang mundo, ang kanilang buhay, at ang iba’t ibang problemang kinakaharap nila sa kanilang pang-araw-araw na buhay at pag-iral, nang may perspektiba ng isang taong nasa hustong gulang na, nang may nakapagsasariling mga pamamaraan ng isang taong nasa hustong gulang na sa pangangasiwa at pagtingin sa mga bagay-bagay, at nakapagsasariling pananaw sa mundo ng isang taong nasa hustong gulang na. Ito ang mga kalayaan at karapatan ng iyong mga anak, at higit pa rito, ito ang mga bagay na dapat nilang gawin bilang mga nasa hustong gulang na, at walang kinalaman sa iyo ang mga bagay na ito. Kung palagi mong gustong masangkot sa mga bagay na ito, medyo nakakasuya iyon. Kung palagi mong sinasadya na isingit ang iyong sarili sa mga bagay na ito at makialam sa kanila, makapagdudulot ka ng gulo at pagkawasak, at sa huli, bukod sa salungat sa iyong mga kagustuhan ang kalalabasan ng mga bagay-bagay, higit pa roon, magiging tutol rin sa iyo ang iyong mga anak, at magiging labis na nakakapagod ang buhay mo. Sa huli, mapupuno ka ng mga hinaing, at magrereklamo ka na ang iyong mga anak ay hindi mabuti, masunurin, o maalalahanin sa iyo; magrereklamo ka na wala silang utang na loob, walang pagpapahalaga, at mga walang malasakit na ingrata. May ilang magulang din na walang modo at hindi makatwiran na iiyak, manggugulo, at magbabantang magpakamatay, ginagamit ang kung anu-anong panlalansi. Mas lalo itong nakakasuya, hindi ba? (Oo.) Kung matalino ka, hahayaan mo ang likas na takbo ng mga bagay-bagay, mamumuhay ka nang magaan, at tutuparin mo lang ang iyong mga responsabilidad bilang magulang. Kung sinasabi mong gusto mong alagaan ang iyong mga anak at magpakita sa kanila ng malasakit alang-alang sa pagmamahal, kung gayon, ayos lang na magpakita sa kanila ng nararapat na malasakit. Hindi Ko sinasabi na basta na lang putulin ng mga magulang ang ugnayan nila sa kanilang mga anak sa sandaling umabot na sa hustong gulang ang mga ito at natupad na ng mga magulang ang kanilang mga responsabilidad. Hindi dapat lubusang pabayaan ng mga magulang ang kanilang mga anak na nasa hustong gulang na, hindi nila dapat sabihin sa kanilang mga anak na basta na lang humayo ang mga ito nang mag-isa, o balewalain ang mga ito kahit gaano pa kalaki ang mga suliraning kinakaharap ng mga ito—kahit itinutulak na ng mga suliraning iyon ang kanilang mga anak sa bingit ng kamatayan—o hindi sila dapat na tumangging mag-alok ng tulong sa kanilang mga anak kapag kailangan sila ng mga ito. Mali rin ito—ito ay labis-labis. Kapag kailangan ng iyong mga anak na magtapat ng saloobin sa iyo, dapat kang makinig, at pagkatapos mong makinig, dapat mong itanong kung ano ang kanilang iniisip at balak na gawin. Maaari ka ring magbigay ng sarili mong mga suhestiyon. Kung may sarili silang mga iniisip at plano, at hindi nila tinatanggap ang iyong mga suhestiyon, sabihin mo na lang na: “Sige. Dahil nakapagpasya ka na, anuman ang kahihinatnan nito sa hinaharap, ikaw na ang may pananagutan doon. Buhay mo iyan. Kailangan mong tahakin at tapusin ang iyong sariling landas sa buhay. Walang iba ang maaaring managot sa buhay mo. Kung buo na ang isip mo, susuportahan kita. Kung kailangan mo ng pera, pwede kitang bigyan nang kaunti. Kung kailangan mo ang tulong ko, pwede kitang tulungan sa abot ng makakaya ko. Tutal, magulang mo ako, kaya wala nang dapat sabihin pa. Pero kung sasabihin mo na hindi mo kailangan ang aking tulong o pera, at kailangan mo lang na makinig ako sa iyo, mas madali iyon.” Pagkatapos, nasabi mo na ang kailangan mong sabihin, nasabi na rin nila ang kailangan nilang sabihin; nailabas na nila ang lahat ng kanilang hinaing, lahat ng kanilang galit ay naibulalas na. Pupunasan nila ang kanilang mga luha, aalis sila at gagawin ang kailangan nilang gawin, at matutupad mo na ang iyong mga responsabilidad bilang magulang. Ito ay ginagawa alang-alang sa pagmamahal; tinatawag itong pagmamahal. At bakit ganoon? Dahil bilang isang magulang, wala ka namang anumang masamang intensiyon sa mga anak mo. Hindi mo sila pipinsalain, hindi ka magpapakana laban sa kanila, o kukutyain sila, at tiyak na hindi mo sila pagtatawanan nang dahil sila ay mahina at walang kakayahan. Ang mga anak mo ay maaaring umiyak, magbulalas, at magreklamo sa harap mo nang walang pagpipigil, na para bang sila ay maliliit na bata; maaari silang magmaktol, magmukmok, o magpakasutil. Gayunpaman, pagkatapos nilang maibulalas ang kanilang mga emosyon at magmukmok at magpakasutil, dapat pa rin nilang gawin ang dapat nilang gawin, at pangasiwaan ang anumang bagay na nasa harap nila. Kung magagawa nila iyon nang hindi ka gumagawa ng anumang bagay para sa kanila o nagbibigay ng anumang tulong, napakainam niyon, at magkakaroon ka ng mas maraming libreng oras, hindi ba? At dahil sinabi na ng iyong mga anak ang mga bagay na iyon, dapat magkaroon ka ng kaunting pagkakilala sa sarili. Malaki na ang mga anak mo, nakakapagsarili na sila. Gusto ka lang nilang kausapin tungkol sa bagay na iyon, hindi nila hiningi ang tulong mo. Kung wala kang pag-unawa rito, maaaring iniisip mo na: “Mahalagang bagay ito. Dahil sinabi mo ito sa akin, ibig sabihin ay nirerespeto mo ako, kaya, hindi ba’t nararapat lang na bigyan kita ng kaunting payo tungkol dito? Hindi ba’t nararapat kitang tulungan sa pagdedesisyon?” Ang tawag dito ay sobrang pagpapahalaga sa sarili mong kakayahan. Kinakausap ka lang ng mga anak mo tungkol sa bagay na iyon, pero tinatrato mo na ang sarili mo na isang napakahalagang tao. Hindi ito tama. Sinabi ng iyong mga anak ang bagay na iyon dahil ikaw ang kanilang magulang, at nirerespeto at pinagkakatiwalaan ka nila. Ang totoo, matagal na silang may sariling mga ideya tungkol dito, pero ngayon ay gusto mong palaging makialam dito. Hindi iyon naaangkop. Pinagkakatiwalaan ka ng iyong mga anak, at dapat kang maging karapat-dapat sa tiwalang iyon. Dapat mong igalang ang kanilang desisyon at hindi ka dapat makisali o makialam dito. Kung gusto ka nilang makisali, maaari mo itong gawin. At ipagpalagay na, nang makisali ka na nga, napagtanto mo na: “Naku, napakalaking problema nito! Maaapektuhan nito ang paggampan ko sa aking tungkulin. Hindi talaga ako pwedeng makisali rito; bilang isang mananampalataya sa Diyos, hindi ko magagawa ang mga bagay na ito.” Kung gayon, dapat agad kang humiwalay sa usaping iyon. Sabihin nang gusto pa rin nilang makialam ka, at iniisip mo: “Hindi ako makikialam. Ikaw mismo ang dapat na mangasiwa rito. Sapat nang nakinig ako sa pagbubulalas mo ng hinaing na ito at ng lahat ng walang katuturang isyu na ito. Natupad ko na ang mga responsabilidad ko bilang magulang. Hindi talaga ako pwedeng makialam sa bagay na ito. Mapanganib iyan, at hindi ako makikisali diyan. Kung gusto mo, sige, harapin mo iyan nang mag-isa.” Hindi ba’t angkop ito? Ito ay pagkakaroon ng paninindigan. Hindi mo dapat bitiwan ang mga prinsipyo o ang iyong paninindigan kailanman. Ito ang mga bagay na dapat gawin ng mga magulang. Naintindihan mo ba ito? Madali bang gawin ang mga bagay na ito (Oo.) Sa katunayan, madaling gawin ang mga ito, pero kung palagi kang kumikilos ayon sa iyong mga damdamin, at kung palagi kang nakakulong sa iyong damdamin, magiging mahirap para sa iyo na makamit ang mga bagay na iyon. Mararamdaman mo na napakasakit nitong gawin, na hindi mo kayang talikuran ang bagay na ito, at na hindi mo rin ito kayang pasanin, o na hindi mo kayang sumulong o umatras. Anong salita ang magagamit para ilarawan ito? “Naiipit.” Maiipit ka roon. Nais mong makinig sa mga salita ng Diyos at isagawa ang katotohanan, ngunit hindi mo mabitiwan ang iyong mga damdamin; mahal na mahal mo ang mga anak mo, pero nararamdaman mong hindi ito naaangkop, na salungat ito sa mga turo ng Diyos at sa mga salita ng Diyos—may problema ka. Kailangan mong magpasya. Maaari mong bitiwan ang iyong mga ekspektasyon sa iyong mga anak, at hindi na magtangkang pamahalaan ang iyong mga anak, bagkus ay hayaan silang maging malaya, dahil sila ay mga nasa hustong gulang na at nakapagsasarili na, o maaari kang sumunod sa kanila. Kailangan mong piliin ang isa sa dalawang opsyon na iyon. Kung pipiliin mong sundin ang daan ng Diyos at pakinggan ang mga salita ng Diyos, at bibitiwan mo ang iyong mga alalahanin at damdamin para sa iyong mga anak, kailangan mong gawin ang dapat gawin ng isang magulang, mahigpit na kumapit sa iyong paninindigan at sa iyong mga prinsipyo, at iwasang gawin ang mga bagay na kinamumuhian at kinasusuklaman ng Diyos. Kaya mo ba ito? (Oo.) Sa totoo lang, madaling gawin ang mga bagay na ito. Sa sandaling bitiwan mo ang kaunting pagmamahal na kinikimkim mo, maisasakatuparan mo na ang mga bagay na ito. Ang pinakasimpleng pamamaraan ay ang huwag makisali sa buhay ng iyong mga anak at hayaan silang gawin ang nais nila. Kung gusto ka nilang kausapin tungkol sa kanilang mga paghihirap, pakinggan mo sila. Sapat nang malaman mo na ganoon ang sitwasyon. Pagkatapos nilang magsalita, sabihin mo sa kanila: “Naririnig kita. May iba ka pa bang gustong sabihin sa akin? Kung gusto mo ng makakain, pwede kitang ipagluto. Kung ayaw mong kumain, pwede ka nang umuwi. Kung kailangan mo ng pera, pwede kitang bigyan ng kaunti. Kung kailangan mo ng tulong, gagawin ko ang makakaya ko. Kung hindi kita matutulungan, ikaw mismo ang kailangang maghanap ng solusyon.” Kung igigiit nilang tulungan mo sila, pwede mong sabihin na: “Natupad na namin ang aming mga responsabilidad sa iyo. Ito lang ang mga abilidad namin, nakikita mo naman iyon—hindi kami kasinghusay mo. Kung nais mong magtagumpay sa mundo, ikaw na ang bahala roon, huwag mo na kaming isali. Medyo matanda na kami, at tapos na kami sa ganyang responsabilidad. Ang responsabilidad lang namin bilang magulang ay ang palakihin ka hanggang nasa hustong gulang ka na. Tungkol sa kung anong uri ng landas ang tatahakin mo, at kung paano mo pahihirapan ang sarili mo, huwag mo na kaming isali sa mga usaping iyon. Hindi namin pahihirapan ang aming sarili kasama mo. Natapos na namin ang aming misyon sa iyo. May sarili kaming mga usapin, sariling paraan ng pamumuhay, at sarili naming mga misyon. Ang mga misyon namin ay hindi ang gumawa ng mga bagay para sa iyo, at hindi namin kailangan ang tulong mo para matapos ang mga ito. Tatapusin namin ang aming mga misyon nang kami lang. Huwag mo kaming isali sa iyong pang-araw-araw na buhay o sa iyong pag-iral. Walang kinalaman sa amin ang mga iyon.” Ipahayag mo nang malinaw ang iyong sarili, at tapos na ang usapan; maaari kang makipag-ugnayan, makipag-usap, at makipagkumustahan sa kanila kung kinakailangan. Ganoon lang kasimple! Ano ang mga pakinabang sa pagkilos nang ganito? (Nagiging napakadali ng buhay.) Sa pinakamababa, mapapangasiwaan mo na ang usapin ng pisikal na pagmamahal sa pamilya nang angkop at maayos. Ang iyong mental at espirituwal na mundo ay magiging panatag, hindi ka gagawa ng mga walang kabuluhang sakripisyo, o magbabayad ng anumang karagdagang halaga; magpapasakop ka sa gitna ng mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, at hahayaan mo Siya na mangasiwa sa lahat ng bagay na ito. Tutuparin mo ang bawat responsabilidad na dapat gawin ng mga tao, at hindi mo gagawin ang alinman sa mga bagay na hindi dapat gawin ng mga tao. Hindi ka mag-aabot ng tulong para makialam sa mga bagay na hindi dapat gawin ng mga tao, at mamumuhay ka nang ayon sa itinuturo sa iyo ng Diyos. Ang paraan ng pamumuhay na itinuturo ng Diyos ay ang pinakamagandang landas, dahil dito ay maaari silang mamuhay nang magaan, masaya, maligaya, at payapa. Subalit, ang pinakamahalaga, bukod sa magkakaroon ka ng mas maraming libreng oras at lakas para gampanan nang maayos ang iyong tungkulin, at magpakita ng debosyon sa iyong tungkulin, magkakaroon ka rin ng mas maraming lakas at oras para maglaan ng pagsusumikap sa katotohanan. Sa kabaligtaran, kung ang iyong lakas at oras ay nakatali at abala sa iyong mga damdamin, laman, sa iyong mga anak, at sa iyong pagmamahal sa pamilya, hindi ka magkakaroon ng karagdagang lakas para hangarin ang katotohanan. Hindi ba’t totoo iyon? (Totoo.)
Kapag ang mga tao ay nakikilahok sa mga propesyon sa mundo, ang tanging iniisip nila ay ang paghahangad sa mga bagay tulad ng mga makamundong kalakaran, katanyagan at pakinabang, at kasiyahan ng laman. Ano ang ipinapahiwatig nito? Ipinapahiwatig nito na ang iyong lakas, oras, at kabataan ay pawang sinasakop at nilalamon ng mga bagay na ito. Makabuluhan ba ang mga ito? Ano ang makakamit mo mula sa mga ito sa huli? Kahit na magkamit ka ng katanyagan at pakinabang, wala pa rin itong magiging kabuluhan. Paano naman kung baguhin mo ang iyong paraan ng pamumuhay? Kung ang iyong oras, lakas, at isipan ay nasasakop lamang ng katotohanan at ng mga prinsipyo, at kung ang iniisip mo lang ay ang mga positibong bagay, tulad ng kung paano gampanan nang maayos ang iyong tungkulin, at paano humarap sa Diyos, at kung ginugugol mo ang iyong lakas at oras para sa mga positibong bagay na ito, kung gayon, iba ang makakamit mo. Ang makakamit mo ay ang mga pinakamakabuluhang pakinabang. Matututo ka kung paano mamuhay, paano umasal, paano harapin ang bawat klase ng tao, pangyayari, at bagay. Sa sandaling matuto ka na kung paano harapin ang bawat klase ng tao, pangyayari, at bagay, sa malaking antas, likas kang makapagpapasakop sa mga pamamanugot at pagsasaayos ng Diyos. Kapag likas kang nakakapagpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, hindi mo man lang mamamalayan na ikaw ay magiging isang uri ng tao na tinatanggap at minamahal ng Diyos. Pag-isipan mo ito, hindi ba’t magandang bagay iyon? Marahil ay hindi mo pa ito alam, ngunit sa proseso ng iyong pamumuhay, at ng iyong pagtanggap sa mga salita ng Diyos at sa mga katotohanang prinsipyo, hindi mo mamamalayan na ikaw ay mamumuhay, titingin sa mga tao at bagay, at aasal at kikilos ayon sa mga salita ng Diyos. Ito ay nangangahulugan na hindi mo mamamalayan na magpapasakop ka sa mga salita ng Diyos, at magpapasakop sa Kanyang mga hinihingi at tutugunan mo ang mga ito. Kung gayon, ikaw ay magiging isa nang uri ng tao na tinatanggap, pinagkakatiwalaan, at minamahal ng Diyos, nang hindi mo man lang namamalayan. Hindi ba’t napakaganda niyon? (Oo.) Samakatuwid, kung igugugol mo ang iyong lakas at oras para hangarin ang katotohanan at gampanan nang maayos ang iyong tungkulin, ang makakamit mo sa huli ay ang mga pinakamahalagang bagay. Sa kabilang banda, kung palagi kang namumuhay para lang sa iyong mga damdamin, laman, mga anak, trabaho, at sa katanyagan at pakinabang, kung palagi kang sangkot sa mga bagay na ito, ano ang makakamit mo sa huli? Isang kahungkagan lamang. Wala kang anumang makakamit, at lalayo ka nang lalayo sa Diyos, at sa huli ay lubusan kang itataboy ng Diyos. Kung magkagayon, ang buhay mo ay magwawakas, at mawawala ang pagkakataon mong maligtas. Kaya, dapat bitiwan ng mga magulang ang lahat ng kanilang mga emosyonal na pag-aalala, pagkagiliw, at obligasyon sa kanilang mga anak na nasa hustong gulang na, anuman ang ekspektasyon nila sa mga ito. Wala silang dapat na maging ekspektasyon sa kanilang mga anak sa emosyonal na aspekto mula sa katayuan o posisyon ng isang magulang. Kung maisasakatuparan mo ang mga bagay na ito, maganda iyon! Sa pinakamababa, matutupad mo na ang iyong mga responsabilidad bilang magulang, at ikaw ay magiging sapat na tao—na nagkataon lang na isa ring magulang—sa mga mata ng Diyos. Sa anumang perspektiba ng tao mo ito tinitingnan, mayroong mga prinsipyo para sa mga bagay na nararapat gawin ng mga tao at sa perspektiba at posisyon na dapat nilang panghawakan, at mayroong mga pamantayan ang Diyos ukol sa mga bagay na ito, hindi ba? (Oo.) Tapusin na natin dito ang ating pagbabahaginan tungkol sa mga ekspektasyon ng mga magulang sa kanilang mga anak at sa mga prinsipyong dapat nilang isagawa kapag nasa hustong gulang na ang kanilang mga anak. Paalam!
Mayo 21, 2023