Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 20
Ang iba’t ibang paksang ating pinagbabahaginan ay may kinalaman sa mga praktikal na usapin sa pang-araw-araw na buhay. Matapos pakinggan ang paksang ito, hindi ba’t ramdam ninyong may kabuluhan ang katotohanan, na hindi ito isang salawikain, isang uri ng teorya, o lalong hindi isang uri ng kaalaman? Saan nauugnay ang katotohanan? (Nauugnay ito sa ating tunay na buhay.) Nauugnay ang katotohanan sa tunay na buhay, sa iba’t ibang pangyayaring nagaganap sa tunay na buhay. Tumutukoy ito sa lahat ng aspekto ng buhay ng tao, sa iba’t ibang suliraning kinahaharap ng mga tao sa pang-araw-araw na buhay, at partikular itong nauugnay sa mga mithiing hinahangad ng mga tao at sa mga landas na kanilang tinatahak. Lahat ng mga katotohanang ito ay may kabuluhan, at talagang hindi puwedeng balewalain ang mga ito; mahalagang makamit ng mga tao ang lahat ng ito. Sa pang-araw-araw na buhay, pagdating sa mga partikular na praktikal na suliranin, kung kaya mong harapin, lutasin, at pangasiwaan ang mga bagay na ito batay sa mga katotohanang prinsipyong pinagbabahaginan natin, ikaw ay pumapasok sa katotohanang realidad. Kung sa pang-araw-araw na buhay mo, paninindigan mo ang mga orihinal mong kaisipan at pananaw ukol sa mga suliraning ito na may kinalaman sa katotohanan, at hindi ka magbabago, kung haharapin mo ang mga suliraning ito mula sa sarili mong perspektiba bilang tao, at walang kinalaman sa katotohanan ang mga prinsipyo at batayan kung paano mo tinitingnan ang mga bagay na ito, malinaw na hindi ka isang taong pumapasok sa katotohanang realidad, ni isang taong naghahangad sa katotohanan. Anumang aspekto ng katotohanan ang ating pinagbabahaginan, ang mga paksang nakapaloob ay tungkol lahat sa pagtatama at pagbabago sa mga maling kaisipan, pananaw, kuru-kuro, at imahinasyong taglay ng mga tao sa iba’t ibang usapin, nang sa gayon ay maaari silang magkaroon ng mga tamang kaisipan at pananaw tungkol sa iba’t ibang usaping kinahaharap nila sa pang-araw-araw na buhay, at nang sa gayon, matingnan nila ang mga bagay na ito na nangyayari sa tunay na buhay mula sa tamang mga perspektiba at anggulo, at magamit nila ang katotohanan bilang kanilang pamantayan upang lutasin at tugunan ang mga iyon. Ang pakikinig sa mga sermon ay hindi tungkol sa pagkakaroon ng sangkap ng doktrina o kaalaman, hindi ito tungkol sa pagpapalawak sa mga karanasan ng isang tao o pagtatamo ng kabatiran—tungkol ito sa pag-unawa sa katotohanan. Ang layon ng pag-unawa sa katotohanan ay hindi upang pagyamanin ang mga kaisipan o espiritu ng isang tao, o pagyamanin ang pagkatao ng isang tao, kundi upang bigyang-daan ang mga taong hindi humiwalay sa tunay na buhay habang nasa landas ng pagsampalataya sa Diyos, at, sa tuwing mahaharap sila sa iba’t ibang bagay sa pang-araw-araw na buhay, tingnan nila ang mga tao at bagay, at umasal, at kumilos sila na ang kanilang batayan ay ang mga salita ng Diyos at ang kanilang pamantayan ay ang katotohanan. Kung ganito karaming taon ka nang nakikinig sa mga sermon at nagkaroon ka na ng pag-usad sa mga aspekto ng doktrina at kaalaman, at pakiramdam mo ay napalakas ang iyong espiritu at mas tumayog na ang iyong mga kaisipan, ngunit kapag nahaharap ka sa maraming bagay sa pang-araw-araw na buhay, hindi mo pa rin kayang tingnan ang mga suliraning ito mula sa tamang perspektiba, ni magpursige sa pagsasagawa, pagtingin sa mga tao at bagay, pag-asal, at pagkilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo, malinaw na hindi ka isang taong naghahangad sa katotohanan, ni isang taong pumapasok sa katotohanang realidad. Ang mas malala pa rito, hindi ka pa nakarating sa punto ng pagpapasakop sa katotohanan, pagpapasakop sa Diyos, o pagkakaroon ng takot sa Kanya. Siyempre, malinaw na malinaw na makukumpirmang hindi ka nakatahak sa landas na patungo sa kaligtasan. Hindi ba’t totoo naman? (Oo.)
Batay sa inyong tunay na tayog at sitwasyon ngayon, sa palagay ninyo, sa anong mga aspekto na kayo nakapasok sa katotohanang realidad? Sa anong mga aspekto kayo may pag-asa sa kaligtasan? Sa aling mga aspekto kayo hindi pa nakapapasok sa katotohanang realidad bagkus ay labis na kinukulang sa pamantayan para sa kaligtasan? Masusukat mo ba ito? (Sa mga sitwasyon kung saan ginugulo ng mga anticristo at masasamang tao ang gawain ng iglesia, nagdudulot ng pinsala sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, wala akong pagpapahalaga sa katarungan at tunay na katapatan sa Diyos. Hindi ko magawang tumindig at ipagtanggol ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at wala akong patotoo sa napakahahalagang usaping ito. Sa aspektong ito, malinaw na labis akong kinukulang sa pamantayan para sa kaligtasan.) Isa itong tunay na problema. Hayaan ninyong higit pa itong talakayin ng lahat. Maliban sa pagtukoy sa inyong tayog na may kinalaman sa mga suliranin ng pagkilatis at pagtanggi sa mga anticristo, sa ibang mga aspekto, ano nang mga bagay ang nakaharap mo sa iyong pang-araw-araw na buhay na nagparamdam sa iyong hindi ka nakapasok sa realidad, na hindi ka makapagsagawa alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo, at na bagaman nakauunawa ka ng doktrina, hindi pa rin malinaw sa iyo ang katotohanan, wala kang malinaw na landas, at hindi mo alam kung paano umayon sa mga layunin ng Diyos, o kung paano sumunod sa mga prinsipyo? (Matapos gawin ang aking tungkulin sa loob ng napakaraming taon, akala ko ay kaya ko nang iwanan ang aking pamilya, talikuran ang aking karera, at sa ilang paraan, bitiwan ang aking mga damdamin para sa aking mga magulang at kamag-anak. Gayunpaman, paminsan-minsan ay nahaharap ako sa mga partikular na sitwasyon sa tunay na buhay na nagpapatanto sa aking may mga damdamin pa rin sa loob ko, at gusto kong makapiling ang mga magulang ko, alagaan sila at maging mapagmahal sa kanila. Kung hindi ko ito magagawa, pakiramdam ko ay may pagkakautang ako sa kanila. Sa pamamagitan ng pakikinig sa kamakailang pagbabahagi ng Diyos tungkol sa hindi natin pagkakaroon ng utang sa ating mga magulang, napagtanto kong hindi ko nauunawaan ang aspektong ito ng katotohanan, at hindi ako nakapagpasakop sa katotohanan o sa Diyos.) Sino pa ang gustong magpatuloy? Hindi ba kayo nahaharap sa mga paghihirap sa inyong pang-araw-araw na buhay? O naninirahan ba kayo nang malayo sa impluwensiya ng iba at hindi kailanman nahaharap sa anumang problema? Nakahaharap ba kayo ng mga paghihirap kapag gumagawa ng inyong mga tungkulin? Naging pabasta-basta na ba kayo? (Oo.) Nagpasasa na ba kayo sa makamundong kaginhawaan? Nagtatrabaho ba kayo para sa katanyagan at katayuan? Madalas ba kayong nag-aalala o nababalisa tungkol sa inyong mga plano at landas sa hinaharap? (Oo.) Kung gayon ay paano ninyo pinangangasiwaan ang mga sitwasyong ito kapag nahaharap kayo sa mga ito? Nagagamit ba ninyo ang katotohanan upang lutasin ang mga ito? Pinanghahawakan ninyo ang isang alternatibong plano kapag itinataas ang ranggo ninyo, at nag-aalala kayo tungkol sa inyong mga plano at destinasyon, nagkakaroon kayo ng maling pagkaunawa o paninisi sa Diyos, o ipinangangalandakan ninyo ang inyong mga kwalipikasyon kapag tinatanggal kayo sa inyong posisyon—taglay ba ninyo ang mga problemang ito? (Oo.) Paano ninyo pinangangasiwaan at nilulutas ang mga sitwasyong ito kapag nahaharap kayo sa mga ito? Sinusunod mo ba ang mga makasariling pagnanais mo, o kaya mo bang itaguyod ang mga katotohanang prinsipyo, maghimagsik laban sa laman, at maghimagsik laban sa iyong tiwaling disposisyon upang maisagawa ang katotohanan? (Diyos ko, sa tuwing nahaharap ako sa mga sitwasyong ito, nauunawaan ko batay sa doktrina na hindi ako dapat kumilos alinsunod sa mga kagustuhan ng aking laman o sa aking tiwaling disposisyon. Kung minsan ay napupukaw at nauusig ang aking konsensiya, at medyo binabago ko ang aking pag-uugali. Ngunit hindi ito dahil sa nagbago na ang aking mga pananaw tungkol sa mga bagay na ito, o dahil sa nakapagsasagawa ako ng katotohanan. Kung minsan, kung masyadong matindi ang mga makasariling pagnanais ko, at pakiramdam ko ay masyadong matindi ang paghihirap na ito, kahit pa magkaroon ako ng bugso ng lakas, hindi ko pa rin ito maisagawa. Sa puntong iyon, susundin ko ang aking tiwaling disposisyon, at mawawala na rin kahit na ang panlabas na mabuting pag-uugali.) Anong uri ng sitwasyon ito? Humahantong ka ba sa pagsasagawa sa katotohanan at paninindigan sa iyong patotoo, o nabibigo ka? (Nabibigo ako.) Pagkatapos ba ay nagninilay-nilay ka at nakokonsensiya? Makagagawa ka ba ng mga pagpapabuti kapag muli kang naharap sa parehong mga sitwasyon? (Matapos mabigo, nakararamdam ako ng kaunting pagkabahala sa aking konsensiya, at kapag kumakain at umiinom ako ng mga salita ng Diyos, naiuugnay ko ang mga iyon sa aking sarili, ngunit sa susunod na pagkakataong maharap ako sa mga sitwasyong ito, nahahayag pa rin ang parehong tiwaling disposisyon. Bahagya lang ang pag-usad sa aspektong ito.) Hindi ba’t namamalayan ng karamihan sa mga tao na nasa ganitong kalagayan sila? Paano ninyo tinitingnan ang bagay na ito? Sa tuwing nahaharap sila sa parehong mga sitwasyon, sa mga paraan ng pagharap ng mga tao sa mga iyon, maliban sa pagbuti ng kanilang pag-uugali dulot ng epekto ng kanilang mga konsensiya, o sa pagiging medyo marangal at kung minsan ay medyo masama ng kanilang pag-uugali ayon sa kanilang mga sitwasyon at kalagayan sa panahong iyon, at ayon sa kanilang magkakaibang lagay ng loob—bukod sa mga ito, walang kinalaman sa katotohanan ang kanilang pagsasagawa. Ano ang problema rito? Kumakatawan ba ito sa tayog ng isang tao? Anong uri ng tayog ito? Isa ba itong mababang tayog, o ito ba ay kahinaan, isang kakulangan sa kanilang pagkatao, o isang pagpapamalas ng hindi pagsasagawa sa katotohanan? Ano ito? (Isang mababang tayog.) Kapag mababa ang tayog ng isang tao, hindi niya kayang isagawa ang katotohanan, at dahil hindi niya kayang isagawa ang katotohanan, mababa ang kanyang tayog. Gaano ito kababa? Nangangahulugan itong hindi mo pa natatamo ang katotohanan sa usaping ito. Ano ang ibig sabihin ng hindi mo pa natatamo ang katotohanan? Ibig sabihin nito, hindi mo pa nagiging buhay ang mga salita ng Diyos; isa pa ring uri ng teksto, doktrina, o argumento sa iyo ang mga salita ng Diyos. Hindi pa tumitimo sa iyo ang mga iyon o nagiging buhay mo. Kung gayon, ang mga diumanong katotohanang iyong nauunawaan ay isa lamang uri ng doktrina o salawikain. Bakit Ko ito sinasabi? Dahil hindi mo magawang realidad mo ang doktrinang ito. Kapag humaharap ka sa mga bagay-bagay sa pang-araw-araw na buhay, hindi mo pinangangasiwaan ang mga iyon alinsunod sa katotohanan; pinangangasiwaan mo pa rin ang mga iyon alinsunod sa tiwaling disposisyon ni Satanas at sa ilalim ng impluwensya ng konsensiya. Kaya malinaw na, kahit kaunti, hindi mo taglay ang katotohanan sa bagay na ito, at hindi ka nagtamo ng buhay. Ang hindi pagtatamo ng buhay ay nangangahulugang hindi pagkakaroon ng buhay; ang hindi pagkakaroon ng buhay ay nangangahulugang sa bagay na ito, hindi ka talaga nailigtas, at namumuhay ka pa rin sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Kahit pa ang isinasagawa sa ilalim ng impluwensya ng konsensiya ay mabuting pag-uugali o isang uri ng pagpapamalas, hindi ito kumakatawan sa buhay; isa lamang itong pagpapamalas ng normal na pagkatao. Kung ang pagpapamalas na ito ay may kasamang impluwensya ng konsensiya, sa pinakamabuti, isa itong uri ng mabuting pag-uugali. Kung hindi konsensiya ang pangunahing salik, bagkus ay ang tiwaling disposisyon ng isang tao, hindi maituturing na mabuting pag-uugali ang pag-uugaling ito; ito ang tiwaling disposisyong nahahayag. Kaya, sa aling mga usapin na ninyo nagawang realidad ang katotohanan, at natamo ang buhay? Sa aling mga bagay ninyo hindi pa natamo ang katotohanan at nagawa itong inyong buhay, at hindi pa nagawang realidad ang katotohanan? Sa madaling salita, sa aling mga usapin mo naisasabuhay ang mga salita ng Diyos at naituturing ang mga iyon na iyong pamantayan, at sa aling mga bagay mo ito hindi pa nagagawa? Kalkulahin mo kung ilan ang mga iyon. Kung nakalkula mo na ang lahat ng iyon, subalit sa kasamaang palad, hindi ka nakakilos o nakapamuhay batay sa mga salita ng Diyos sa kahit isang bagay, bagkus ay kumilos ka alinsunod sa iyong pagiging padalos-dalos, sa iyong mga kuru-kuro, sa mga kagustuhan o pagnanais ng laman, o sa iyong tiwaling disposisyon, ano ang magiging panghuling resulta? Masama ang magiging resulta, hindi ba? (Oo.) Sa ngayon, maraming taon na kayong nakapakinig ng mga sermon, tumalikod sa inyong pamilya, iniwanan ang inyong karera, nagdanas ng paghihirap, at nagbayad ng halaga. Kung ito ang resulta, isa ba itong bagay na dapat ikasiya at ipagdiwang o isang bagay na dapat ikalungkot at ipag-alala? (Ikalungkot at ipag-alala.) Ang isang taong hindi ginagawang realidad ang katotohanan, hindi ginagawang buhay niya ang mga salita ng Diyos, anong klase ng tao iyon? Hindi ba’t isa itong taong namumuhay sa ilalim ng ganap na kontrol ng tiwaling disposisyon ni Satanas, na hindi nakakikita sa pag-asa ng kaligtasan? (Oo.) Napag-isipan na ba ninyo ang mga katanungang ito kapag karaniwan kayong nagbabasa ng mga salita ng Diyos at nagsusuri ng inyong sarili? Hindi pa iyon nagawa ng karamihan sa mga tao, hindi ba? Iniisip lang ng karamihan, “Nagsimula akong sumampalataya sa Diyos sa edad na labing pito, at ngayon ay apatnapu’t pito na ako. Napakaraming taon ko nang sumasampalataya sa Diyos, at ilang beses na akong natugis, ngunit pinanatili akong ligtas at tinulungan akong makatakas ng Diyos. Nanirahan ako sa mga kweba at kubo, hindi kumain nang ilang araw at gabi, at gumugol ng napakaraming oras nang walang tulog. Napakarami ko nang tiniis na pagdurusa at itinakbong milya, alang-alang lahat sa paggampan sa aking tungkulin, sa paggawa sa aking trabaho, at sa pagtapos sa aking gampanin. Napakalaki ng pag-asa ko sa kaligtasan, nasimulan ko na ang pagtahak sa landas ng kaligtasan. Napakapalad ko! Salamat talaga sa Diyos. Ito ang Kanyang biyaya! Wala akong halaga sa mga mata ng sekular na mundo, mababa ang tingin sa akin ng lahat, at kailanman ay hindi ko itinuring ang sarili kong isang espesyal na tao, ngunit dahil sa pag-aangat ng Diyos, dahil sa itinaas Niya ako—ang nangangailangan—mula sa dumi, napunta ako sa landas ng kaligtasan, binibigyan ako ng karangalang gawin ang aking tungkulin sa Kanyang sambahayan. Itinaas at minamahal Niya ako! Ngayon ay napakarami ko nang nauunawaang katotohanan at napakaraming taon ko nang nagtatrabaho. Tiyak na ang pagtanggap ko ng gantimpala sa hinaharap. Sino ang makaaagaw niyon?” Kung ang mga ito lamang ang naiisip ninyo kapag sinusuri ang inyong sarili, hindi ba’t magiging nakababahala iyon? (Oo.) Sabihin ninyo sa Akin, napakaraming taon na ninyong sumasampalataya sa Diyos, napakarami na ninyong pinagdaanan, napakalayo na ng inyong nilakbay, at napakarami na ninyong natapos na gawain. Bakit pagkatapos ng ganito katinding pagsampalataya ay nailipat ang ilang tao sa Pangkat B? Bakit maraming lider at manggagawa ang nangangailangan na ngayong magbayad ng mga handog at magpasan ng mga utang? Ano ang nangyayari? Hindi ba’t nailigtas na sila? Hindi ba’t taglay na nila ang katotohanan at hindi ba’t nagtamo na sila ng buhay? May ilang taong itinuturing ang kanilang sarili na mga haligi at batong-panulok ng sambahayan ng Diyos, na mga pambihirang taong may talento rito. Kumusta na ang mga bagay ngayon? Kung ang ganito karaming taon ng pagdurusa at pagbabayad ng halaga ay nagresulta sa pagtanggap nila ng buhay at pagkakaroon ng katotohanang realidad, sa pagpapasakop nila sa mga salita ng Diyos, pagkakaroon ng tunay na takot sa Diyos, at tapat na paggawa sa kanilang mga tungkulin, matatanggal o maililipat ba ang mga taong ito sa Pangkat B? Magpapasan ba sila ng utang o makatatanggap ng malaking demerito? Mangyayari ba ang mga problemang ito? Talagang kahiya-hiya ito, hindi ba? (Oo.) Kahit kailan ba ay napag-isipan na ninyo kung ano ang suliranin? Ang tindi ng pagdurusang kayang tiisin ng isang tao o ang laki ng halagang kanyang binabayaran para sa kanyang pananampalataya sa Diyos ay hindi isang tanda ng kaligtasan o ng pagpasok sa katotohanang realidad, ni isang tanda na mayroon siyang buhay. Kung gayon, ano ang tanda ng pagkakaroon ng buhay at ng katotohanang realidad? Sa pangkalahatan, ito ay kung kayang isagawa ng isang tao ang katotohanan at pangasiwaan ang mga bagay alinsunod sa mga prinsipyo; partikular na, ito ay kung tinitingnan ng isang tao ang mga tao at bagay, umaasal at kumikilos siya nang may mga katotohanang prinsipyo, kung kaya niyang kumilos alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo. Kung, sa paggampan mo ng mga tungkulin, kaya mong mapagtagumpayan ang iyong sarili, magtiis ng pagdurusa, at magbayad ng halaga sa lahat ng bagay na iyong ginagawa, ngunit sa kasamaang palad, hindi mo maisakatuparan ang pinakamahalagang punto, ibig sabihin, hindi mo kayang itaguyod ang mga katotohanang prinsipyo; kung anuman ang gawin mo, palagi mong isinasaalang-alang ang sarili mong mga interes, palagi kang naghahanap ng paraan para makatakas, palaging nagnanais na ingatan ang sarili mo; at kung kahit kailan ay hindi mo itinataguyod ang mga katotohanang prinsipyo, at ang mga salita ng Diyos ay doktrina lamang para sa iyo, kung gayon, huwag mong sabihin kung mahalaga ka, o kung may kabuluhan ang iyong buhay o wala; sa pinakapangunahing punto, wala kang buhay. Ang taong walang buhay ay ang pinakakaawa-awa. Ang sumasampalataya sa Diyos subalit hindi pumapasok sa katotohanang realidad, ang hindi magtamo ng buhay, ay ang pinakakaawa-awang uri ng tao at ang pinakakalunos-lunos na bagay. Hindi ba’t totoo naman? (Oo.) Hindi Ko hinihinging makapagsagawa kayo alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo sa lahat ng bagay, ngunit kahit papaano, sa pagganap sa iyong mahahalagang tungkulin at sa mahahalagang bagay sa iyong pang-araw-araw na buhay na may kinalaman sa mga prinsipyo, dapat kang makakilos alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo. Kahit papaano, kailangan mong makamit ang pamantayang ito upang makita ang pag-asa ng kaligtasan sa iyong sarili. Ngunit sa ngayon, hindi mo man lamang naabot ang pinakasaligang kinakailangan, hindi mo nakamit ang alinman dito. Labis na kalunos-lunos at lubhang nakababahala ang bagay na ito.
Sa unang tatlong taon ng pagsampalataya nila sa Diyos, masaya at nagagalak ang mga tao. Araw-araw, iniisip nila ang pagtanggap sa mga pagpapala at pagkakaroon ng magandang hantungan. Naniniwala silang ang mga panlabas na mabuting pag-uugali, gaya ng pagdurusa para sa Diyos, pagiging abalang-abala at higit na pagtulong sa mga tao, paggawa ng mas maraming mabuting gawa, at paghahandog ng mas maraming pera, ay mga bagay na kailangang gawin ng mga mananampalataya ng Diyos. Matapos sumampalataya sa Diyos sa loob ng tatlo hanggang limang taon, bagaman nauunawaan nila ang ilang doktrina, sumasampalataya pa rin ang mga tao sa Diyos ayon sa kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon. Namumuhay sila ayon sa mabubuting pag-uugali, sa kanilang mga konsensiya, at mabuting pagkatao, sa halip na mamuhay alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo, o gawin ang mga salita ng Diyos na kanilang buhay at pamantayan kung paano nila titingnan ang mga tao at bagay, at aasal at kikilos. Ano ang landas na sinusundan ng gayong mga tao? Hindi ba’t ito ang landas na sinundan ni Pablo? (Ito nga.) Hindi ba ninyo namamalayang nasa ganitong kalagayan kayo? Kung kadalasan ninyong namamalayang nasa ganito kayong kalagayan, kapaki-pakinabang ba ang pakikinig sa napakaraming sermon? Alinmang uri ng mga sermon ang iyong pinakikinggan, hindi ka nakikinig upang maunawaan ang katotohanan, o upang tingnan ang mga tao at bagay, at umasal at kumilos batay sa mga katotohanang prinsipyo sa iyong pang-araw-araw na buhay, sa halip ay nakikinig ka alang-alang sa pagpapayaman sa iyong espirituwal na mundo at sa iyong mga karanasan bilang tao. Kung gayon, hindi mo naman kailangang pakinggan ang mga iyon, hindi ba? Sinasabi ng ilang tao, “Hindi pwedeng hindi makinig sa mga sermon. Kung hindi ako makikinig sa mga sermon, walang sigla ang aking pananampalataya sa Diyos, at wala akong sigla o gana pagdating sa pagganap sa aking tungkulin. Sa pamamagitan ng pakikinig sa mga sermon paminsan-minsan, may kaunting sigla ang aking pananampalataya, medyo mas nasisiyahan at napagyayaman ang pakiramdam ko, at pagkatapos, kapag naharap ako sa anumang paghihirap o pagiging negatibo sa aking tungkulin, may kaunti akong motibasyon, at kadalasan ay hindi ako nagiging negatibo.” Ginagawa ba ang pakikinig sa mga sermon alang-alang sa pagkakamit ng epektong ito? Ang karamihan sa mga taong nakapakinig ng mga sermon sa paglipas ng mga taon ay hindi umaalis sa iglesia, kahit paano pa sila pungusan, disiplinahin, o sawayin. Ang pagkakamit sa epektong ito ay may partikular na kaugnayan sa pakikinig sa mga sermon, ngunit ang nais Kong makita ay hindi lamang na muling mag-alab ang nauupos na apoy sa inyong puso pagkatapos ninyong makinig sa bawat sermon. Hindi lamang ito tungkol doon. Walang saysay ang sigla lamang. Hindi dapat gamitin ang sigla sa paggawa ng kasamaan o sa paglabag sa mga katotohanang prinsipyo. Ang sigla ay para hikayatin kang hangarin ang katotohanan nang mas may mithiin at direksyon—dapat kang magsikap tungo sa mga katotohanang prinsipyo at isagawa mo ang mga iyon. Kaya, makakamit ba ng pakikinig sa mga sermon ang epektong ito? Pagkatapos ng bawat sermon, para bang may alab sa iyong puso, para bang nakargahan ka ng kuryente o nabombahang puno ng hangin. Pakiramdam mo ay muli kang napuno ng sigla, alam mo kung sa aling aspekto ka dapat susunod na tutulak, nang hindi kailanman nagpapabaya o nagiging negatibo, at bihirang nagiging mahina. Gayunpaman, ang mga pagpapamalas na ito ay hindi ang mga kondisyon para sa pagtatamo ng kaligtasan. May ilang kondisyon sa pagtatamo ng kaligtasan: Una, kailangan mong maging handang magbasa ng mga salita ng Diyos at makinig sa mga sermon; pangalawa, at ito rin ang pinakamahalagang kondisyon, anumang malalaki o maliliit na bagay ang makaharap mo sa iyong pang-araw-araw na buhay, lalo na ang mga bagay na may kaugnayan sa pagganap sa iyong tungkulin at sa pangunahing gawain ng sambahayan ng Diyos, kailangan mong magawang hanapin ang mga katotohanang prinsipyo, sa halip na kumilos batay sa sarili mong mga ideya, gawin ang anumang naisin mo, o maging pabasta-basta at pabaya. Ang layon ng walang-sawa Kong pakikipagbahaginan sa inyo tungkol sa katotohanan at pagpapaliwanag sa mga prinsipyo ng iba’t ibang usaping tulad nito ay hindi upang ipagawa sa inyo ang imposible o puwersahin kayo nang higit sa inyong mga kakayahan, at hindi para lamang pasiglahin kayo. Sa halip, ito ay upang ipaunawa sa inyo nang mas tumpak ang mga layunin ng Diyos, upang maunawaan ninyo ang mga prinsipyo at batayan sa paggawa ng iba’t ibang bagay, at kung paano dapat kumilos ang mga tao upang matugunan ang mga layunin ng Diyos, hindi kumilos batay sa kanilang mga tiwaling disposisyon, kaisipan at pananaw, at kaalaman kapag nahaharap sa mga bagay, kundi palitan ang mga bagay na ito ng mga katotohanang prinsipyo. Isa ito sa mga pangunahing paraan ng pagliligtas ng Diyos sa mga tao. Ito ay upang magamit mo ang mga salita ng Diyos bilang iyong batayan at mga prinsipyo sa lahat ng bagay na iyong kahaharapin, at upang maghari ang Kanyang mga salita sa bawat bagay. Sa madaling salita, ito ay upang magawa mong pangasiwaan at lutasin ang bawat bagay batay sa mga salita ng Diyos, sa halip na umasa sa talino at mga kagustuhan ng tao, o harapin ang mga iyon alinsunod sa mga panlasa, ambisyon, at pagnanais ng tao. Sa pamamagitan ng pamamaraang ito ng pangangaral at pagbabahagi ng katotohanan, tumitimo sa mga tao ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan, binibigyang-daan silang magkaroon ng buhay kung saan ang katotohanan ang kanilang realidad. Ito ang tanda ng kaligtasan. Anumang mga bagay ang iyong kaharapin, dapat mong mas pagsumikapan ang mga katotohanang prinsipyo at ang mga salita ng Diyos. Ito ang uri ng taong naghahangad ng kaligtasan at matalino. Ang mga taong palaging nagsusumikap para sa mga panlabas na pag-uugali, pormalidad, doktrina, at salawikain, ay mga hangal na tao. Hindi sila ang mga taong naghahangad ng kaligtasan. Kahit kailan ay hindi pa ninyo naisaalang-alang ang mga bagay na tulad nito, o bihirang maisaalang-alang ang mga ito, kaya pagdating sa mga usaping ito ng pagsasagawa sa mga katotohanang prinsipyo, talagang blangko ang inyong isipan. Hindi ninyo iniisip na mahalaga ang bagay na ito, kaya sa tuwing haharap kayo sa mga sitwasyong may kinalaman sa mga katotohanang prinsipyo, lalo na pagdating sa mga partikular na mahalagang sitwasyon, kapag humaharap kayo sa mga anticristo o masasamang taong nanggagambala at nanggugulo sa gawain ng iglesia, pasibong-pasibo kayo palagi. Hindi ninyo alam kung paano pangangasiwaan ang mga ganitong bagay, at hinaharap ninyo ang mga ito batay sa sarili ninyong makasariling mga motibo at damdamin. Hindi kayo nakatitindig upang ipaglaban ang gawain ng iglesia, at sa huli, palagi kayong humahantong sa pagkabigo, at pabaya at madalian ninyong tinutuldukan ang usapin. Kung hindi magkakaroon ng mga imbestigasyon sa mga usaping ito, magagawa mong iraos lang ito. Kung magkakaroon ng mga imbestigasyon upang alamin kung sino ang may kasalanan, maaari kang maalis sa iyong posisyon o mailipat sa ibang tungkulin; o mas malala pa, maaari kang maipatapon sa Pangkat B, o maaari pa ngang mapaalis ang ilang tao. Ito ba ang mga resultang nais ninyong makita? (Hindi.) Kung isang araw ay matanggal talaga kayo sa inyong posisyon o mapatigil sa paggawa ng inyong tungkulin, o sa isang mas malubhang kaso, kung maipadala kayo sa isang pangkaraniwang iglesia o sa Pangkat B, pagninilayan ba ninyo ang inyong sarili? “Sumampalataya ba ako sa Diyos para lang mauwi rito? Isinuko ko ba ang aking trabaho, mga plano, ang aking pamilya, at tinalikdan ang napakaraming bagay para lang mailagay sa Pangkat B o mapaalis? Sumampalataya ba ako sa Diyos para labanan Siya? Sigurado namang hindi dapat iyon ang layon ng aking pananampalataya sa Diyos? Kung gayon ay para saan ba ako sumasampalataya sa Diyos? Hindi ba’t dapat ko itong pagnilayan? Isinasantabi sa ngayon ang pagsampalataya sa Diyos upang tuparin ang Kanyang mga layunin, kahit papaano, dapat akong magtamo ng buhay at pumasok sa katotohanang realidad. Kahit papaano, dapat kong mapakiramdaman kung aling aspekto ng mga salita ng Diyos at ng katotohanan ang naging buhay ko. Dapat ay magawa kong umasa sa katotohanan upang mabuhay, at magwagi ako laban kay Satanas at sa mga tiwaling disposisyon ko, at dapat akong makapaghimagsik laban sa sarili kong laman at mabitiwan ang sarili kong mga kuru-kuro. Kapag may mga bagay na nangyari sa akin, dapat ay ganap kong maitaguyod ang mga katotohanang prinsipyo. Hindi ako dapat kumilos alinsunod sa aking mga tiwaling disposisyon, dapat ay maayos at natural akong makakilos alinsunod sa mga salita ng Diyos, nang walang anumang paghihirap o sagabal. Dapat kong lubos na madamang ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan ay tumimo na sa akin, naging buhay ko na, at naging bahagi na ng aking pagkatao. Isa itong kasiya-siyang bagay, at isa itong bagay na karapat-dapat ipagdiwang.” Karaniwan bang ganito ang nararamdaman ninyo? Kapag tinuos ninyo ang pagdurusang inyong tiniis at ang mga halagang inyong binayaran sa inyong pananampalataya sa Diyos sa paglipas ng mga taon, gagaan ang inyong puso, madarama nianyong may pag-asa para sa inyong kaligtasan, at na natikman na ninyo ang tamis ng pagkaunawa sa katotohanan at paggugol sa inyong sarili para sa Diyos. Nadama o naranasan na ba ninyo ang gayong mga bagay? Kung hindi pa, ano ang dapat ninyong gawin? (Magsimulang seryosong hangarin ang katotohanan mula ngayon.) Simulan ninyo itong seryosong hangarin mula ngayon—ngunit paano ninyo ito dapat hangarin? Kailangan ninyong pagnilayan ang mga usapin kung saan madalas kayong nagrerebelde sa Diyos. Paulit-ulit nang nagsaayos ang Diyos ng mga sitwasyon para sa iyo upang turuan ka ng aral, upang baguhin ka sa pamamagitan ng mga bagay na ito, upang itimo ang Kanyang mga salita sa iyo, upang papasukin ka sa isang aspekto ng katotohanang realidad, at upang pigilan kang mamuhay alinsunod sa tiwaling disposisyon ni Satanas sa mga bagay na iyon, at upang sa halip ay mamuhay ka alinsunod sa mga salita ng Diyos, upang tumimo sa iyo ang Kanyang mga salita at maging buhay mo ang mga ito. Ngunit madalas kang nagrerebelde sa Diyos sa mga bagay na ito, hindi nagpapasakop sa Diyos ni tumatanggap ng katotohanan, hindi itinuturing ang Kanyang mga salita na mga prinsipyong dapat mong sundin, at hindi isinasabuhay ang Kanyang mga salita. Nakasasakit ito sa Diyos, at paulit-ulit kang nawawalan ng pagkakataon para sa kaligtasan. Kaya, paano mo dapat baguhin ang iyong sarili? Magmula sa araw na ito, sa mga bagay na matutukoy mo sa pamamagitan ng pagninilay-nilay at malinaw na mararamdaman, dapat kang magpasakop sa pangangasiwa ng Diyos, tanggapin ang Kanyang mga salita bilang ang katotohanang realidad, tanggapin ang Kanyang mga salita bilang ang buhay, at baguhin ang paraan ng iyong pamumuhay. Kapag nahaharap ka sa mga sitwasyong tulad nito, dapat kang maghimagsik laban sa iyong laman at mga kagustuhan, at kumilos ka alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo. Hindi ba’t ito ang landas ng pagsasagawa? (Ito nga.) Kung nilalayon mo lamang na masigasig na maghangad sa hinaharap ngunit wala kang partikular na landas ng pagsasagawa, walang saysay iyon. Kung mayroon ka ng partikular na landas ng pagsasagawang ito at handa kang maghimagsik laban sa iyong laman at magsimula nang panibago tulad nito, may pag-asa pa para sa iyo. Kung hindi ka handang magsagawa sa ganitong paraan at bagkus ay magpapatuloy ka sa mga dati nang landas, panghahawakan mo ang mga lumang ideya, at mamumuhay ka ayon sa iyong mga tiwaling disposisyon, wala na kaming dapat pang sabihin. Kung kontento ka nang maging trabahador lang, ano pa bang dapat na sabihin? Wala kang kinalaman sa usapin ng kaligtasan, at hindi ka naman interesado rito, kaya wala nang dapat pang pag-usapan. Kung talagang handa kang hangarin ang katotohanan at kaligtasan, ang unang hakbang ay simulan mong itigil ang iyong mga tiwaling disposisyon, ang iyong iba’t ibang nakalilinlang na kaisipan, kuru-kuro, at kilos. Tanggapin mo ang mga kapaligirang isinaayos ng Diyos para sa iyo sa iyong pang-araw-araw na buhay, tanggapin ang Kanyang pagsisiyasat, pagsubok, pagkastigo, at paghatol, pagsumikapan mong unti-unting magsagawa alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo kapag may mga bagay na nangyari sa iyo, at ang mga salita ng Diyos ay unti-unti mong gawing mga prinspiyo at pamantayan para sa paraan ng pag-asal at pagkilos mo sa iyong pang-araw-araw na buhay, at sa iyong buhay. Ito ang dapat na mamalas sa isang taong naghahangad sa katotohanan, at ito ang dapat na mamalas sa isang taong naghahangad ng kaligtasan. Mukha itong madali, simple ang mga hakbang, at walang mahabang paliwanag, ngunit hindi ganoon kadali ang pagsasagawa rito. Ito ay dahil napakaraming tiwaling bagay sa loob ng mga tao: ang kanilang kakitiran ng pag-iisip, mga munting pakana, pagiging makasarili at masama, ang kanilang mga tiwaling disposisyon at lahat ng uri ng pandaraya. Dagdag pa rito, may ilang taong may taglay na kaalaman, natuto sila ng ilang pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo at mga mapagmanipulang taktika sa lipunan, at nagtataglay sila ng ilang pagkukulang at kapintasan pagdating sa kanilang pagkatao. Halimbawa, ang ilang tao ay masiba at tamad, ang ilan ay matamis ang dila, ang ilan ay may napakasamang kalikasan, ang iba ay banidoso, o padalos-dalos at pabigla-bigla kung kumilos, at marami pang ibang kahinaan. Maraming kakulangan at problemang kailangang mapagtagumpayan ng mga tao pagdating sa kanilang pagkatao. Gayunpaman, kung nais mong matamo ang kaligtasan, kung nais mong isagawa at maranasan ang mga salita ng Diyos, at matamo ang katotohanan at buhay, kailangan mong mas magbasa ng mga salita ng Diyos, magkaroon ng pagkaunawa sa katotohanan, makapagsagawa at makapagpasakop sa Kanyang mga salita, at magsimula sa pamamagitan ng pagsasagawa sa katotohanan at pagtataguyod sa mga katotohanang prinsipyo. Ilang simpleng pangungusap lamang ito, subalit hindi alam ng mga tao kung paano isagawa o danasin ang mga ito. Anuman ang iyong kakayahan o pinag-aralan, at anuman ang iyong edad o ilan ang taon ng pananampalataya, anu’t ano man, kung nasa tamang landas ka ng pagsasagawa sa katotohanan, sa tamang mga mithiin at direksyon, at kung ang hinahangad at iginugugol mo ay alang-alang lahat sa pagsasagawa sa katotohanan, walang dudang ang matatamo mo sa huli ay ang katotohanang realidad at ang mga salita ng Diyos na nagiging buhay mo. Una ay tukuyin mo ang iyong mithiin, pagkatapos, unti-unti kang magsagawa alinsunod sa landas na ito, at sa huli, tiyak na may makakamit ka. Naniniwala ba kayo rito? (Oo.)
Ang pinagbabahaginan natin sa yugtong ito ay ang pagbitiw sa mga paghahangad, mithiin, at hangarin ng mga tao. Sa huli nating pagtitipon, pinagbahaginan natin ang tungkol sa pagbitiw sa mga partikular na pasaning mula sa pamilya ng isang tao. Tungkol sa paksa ng mga pasaning mula sa pamilya ng isang tao, una nating pinagbahaginan ang tungkol sa mga ekspektasyong pinanghahawakan ng mga magulang, pagkatapos, ang tungkol sa mga ekspektasyon ng mga magulang sa kanilang mga supling. Ang lahat ng ito ay mga bagay na dapat bitiwan ng mga tao sa proseso ng paghahangad sa katotohanan, hindi ba? (Oo.) Tungkol sa pagbitiw sa mga paghahangad, mithiin, at hangarin ng mga tao, nagtala tayo ng apat na elemento sa kabuuan. Ang unang elemento ay mga hilig at libangan, ang pangalawa ay pag-aasawa, at ang pangatlo ay pamilya—napagbahaginan na natin ang tatlong ito. Ano ang huling natitirang elemento? (Mga propesyon.) Ang pang-apat na elemento ay mga propesyon; dapat nating pagbahaginan ang elementong ito. Napag-isipan na ba ng sinuman sa inyo ang paksang ito noon? Kung gayon, pwede kayong maunang magsalita. (Dati, iniisip kong ang tagumpay o pagkabigo ng isang tao sa kanyang propesyon ay sumasalamin sa kanyang tagumpay o pagkabigo bilang isang tao. Akala ko, kung ang isang tao ay walang dedikasyon o nakasisira sa kanyang propesyon, ipinahihiwatig nitong nabigo siya bilang isang tao.) Ngayon, pagdating sa usapin ng pagbitiw sa mga propesyon, ano ang dapat na bitiwan? (Dapat na bitiwan ng mga tao ang kanilang mga ambisyon at pagnanais hinggil sa kanilang mga propesyon.) Isang paraan iyon ng pagtingin dito. Ano ang mga bagay na naiisip ninyong bitiwan pagdating sa mga “propesyon” sa loob ng paksa ng pagbitiw sa mga paghahangad, mithiin, at hangarin ng mga tao? Hindi ba’t dapat ninyong lutasin ang iba’t ibang suliraning idinudulot sa inyo ng isang propesyon sa proseso ng paghahangad sa katotohanan? (Dati, noong nasa sekular na mundo pa ako, inakala kong kailangan kong maging matagumpay sa aking propesyon, na kailangan kong magkamit ng kaunting pagkilala. Bilang resulta, labis kong hinangad ang aking propesyon, ninanais na makilala ako. Kahit noong sumasampalataya na ako sa Diyos, ninais ko pa ring mamukod-tangi sa sambahayan ng Diyos, na hikayatin ang iba na tingalain ako. Naging isang malaking sagabal ang suliraning ito sa aking pagpasok sa buhay.) Ang pagkaunawa ninyo sa propesyon ay isa talagang pansariling paghahangad; tumutukoy rin ito sa landas na tinatahak ng isang tao. Kaya, sa ating pagbabahaginan tungkol sa “mga propesyon” sa ilalim ng paksa ng pagbitiw sa mga paghahangad, mithiin, at hangarin ng mga tao, hindi na muna Ako magbabanggit ng anumang paksang tumutukoy sa mga paghahangad ng mga tao. Pangunahin nating pag-uusapan ang literal na kahulugan ng “propesyon.” Ano ba ang tinutukoy ng “propesyon”? Ito ang gawain o trabahong ginagawa ng mga tao upang tustusan ang kanilang mga pamilya habang nabubuhay sa mundo. Nakapaloob ang paksang ito sa saklaw ng “mga propesyon” sa ilalim ng paksa ng pagbitiw sa mga paghahangad, mithiin, at hangarin ng mga tao, na nais nating pagbahaginan. Ito ang saklaw at mga prinsipyo para sa pagtatrabaho upang matustusan ang pamilya ng isang tao, at para sa pagpili ng hanapbuhay sa lipunan, habang sumasampalataya sa Diyos at naghahangad sa katotohanan. Natural, medyo mababanggit dito ang bahagi ng paksa tungkol sa mga paghahangad ng mga tao at tungkol sa mga hinihingi ng Diyos para sa gawaing inaasikaso ng isang mananampalataya. Masasabi ring nauugnay ito sa mga kaisipan at pananaw na dapat taglayin ng isang mananampalataya ukol sa iba’t ibang trabaho at propesyon sa mundo. Medyo malawak ang mga paksang tumutukoy sa mga propesyon; uuriin natin ang mga iyon sa mga kategorya, at sa paggawa niyon ay matutulungan nito ang mga taong maunawaan kung ano-ano ang mga pamantayan at hinihingi ng Diyos para sa mga propesyong isinasagawa ng mga mananampalataya at naghahangad sa katotohanan, pati na kung ano-ano ang mga kaisipan at pananaw na hinihingi ng Diyos na taglayin ng mga mananampalataya at naghahangad sa katotohanan habang isinasagawa o hinaharap nila ang mga hanapbuhay. Bibigyang-daan nito ang mga taong mabitiwan ang mga paghahangad at pagnanais na may kaugnayan sa mga propesyong umiiral sa kanilang mga kuru-kuro at kagustuhan. Kasabay niyon, maitatama rin nito ang mga maling pananaw ng mga tao tungkol sa mga hanapbuhay na kanilang isinasagawa o sa mga propesyong hinahangad nila sa mundo. Paghihiwalayin natin ang paksa tungkol sa mga propesyon na dapat bitiwan ng mga tao sa apat na pangunahing elemento: Ang unang elementong kailangang maunawaan ng mga tao ay huwag magkawanggawa; ang pangalawang elemento, makontento na sa pagkain at damit; ang pangatlong elemento, lumayo sa iba’t ibang puwersa ng lipunan; ang pang-apat na elemento, lumayo sa politika. Pagbabahaginan natin ang tungkol sa mga usaping may kaugnayan sa pagbitiw sa mga propesyon batay sa nilalaman ng apat na elementong ito. Pag-isipan ninyo, may anumang kaugnayan ba ang nilalaman ng apat na elementong ito sa pinagbabahaginan ninyo? (Wala.) Ano ba ang pinagbabahaginan ninyo? (Mga pansariling paghahangad.) Walang kinalaman ang pinagbabahaginan ninyo sa mga katotohanang prinsipyo, may kaugnayan lamang ito sa kaunting maliliit na pansariling paghahangad. Ang apat na puntong ating pinagbabahaginan ay may kinalaman sa iba’t ibang prinsipyong nakapaloob sa paksa ng mga propesyon. Kung mauunawaan ng mga tao ang iba’t ibang prinsipyong ito, magiging madali para sa kanilang bitiwan ang kailangan nilang bitiwan kaugnay sa mga propesyon habang nasa proseso ng paghahangad sa katotohanan. Magiging madali para sa kanilang bitiwan ang mga bagay na iyon dahil naiintindihan nila ang mga aspektong ito ng katotohanan. Gayunpaman, kung hindi mo nauunawaan ang mga katotohanang ito, magiging masyadong mahirap para sa iyong bitiwan ang mga bagay na ito. Isa-isa nating pagbahaginan ang apat na prinsipyong ito para sa pagbitiw sa mga propesyon.
Una, huwag kang magkawanggawa. Ano ang ibig sabihin ng hindi pagkakawanggawa? Madaling intindihin ang literal na kahulugan ng mga salita. Lahat kayo ay medyo may kaunting konsepto sa usapin ng kawanggawa, hindi ba? Halimbawa, ang mga bahay-ampunan, bahay-kanlungan, at kung anu-ano pang organisasyon ng pagkakawanggawa sa lipunan—ang lahat ng ito ay mga organisasyon at katawagang may kaugnayan sa pagkakawanggawa. Kaya, pagdating sa mga propesyong isinasagawa ng mga tao, ang unang hinihingi ng Diyos ay na huwag silang magkawanggawa. Ano ang ibig sabihin nito? Ibig sabihin nito, hindi dapat gumawa ang mga tao ng mga bagay na may kinalaman sa kawanggawa o magsagawa sa anumang industriyang may kaugnayan sa kawanggawa. Hindi ba’t madali lang itong maunawaan? Bilang isang taong sumasampalataya sa Diyos, na nabubuhay sa isang pisikal na katawan, na may pamilya at buhay, at nangangailangan ng pera upang tustusan ang iyong sarili at pamilya, kailangan mong maghanapbuhay. Anumang uri ng hanapbuhay ang isagawa mo, ang unang hinihingi ng Diyos sa mga tao ay huwag magkawanggawa. Hindi ka dapat magkawanggawa dahil sumasampalataya ka sa Diyos, o magkawanggawa alang-alang sa iyong sariling pisikal na kabuhayan. Ang gawaing iyon ay hindi ang hanapbuhay na dapat mong isagawa. Hindi ito isang hanapbuhay na ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos, at talagang hindi ito isang tungkuling ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos. Ang mga bagay na tulad ng pagkakawanggawa ay walang kaugnayan sa mga mananampalataya ng Diyos o sa mga taong naghahangad sa katotohanan. Sa kabaligtaran, maaaring sabihin ng isang tao na kung magkakawanggawa ka, hindi ito aalalahanin ng Diyos. Kahit pa gawin mo ito nang mabuti, nang husto, at makamit mo ang pagkilala ng lipunan at maging ng mga kapatid, hindi ito kikilalanin o aalalahanin ng Diyos. Hindi ka aalalahanin ng Diyos, o pagpapalain sa huli, o palalagpasin at papayagang magtamo ng kaligtasan, o bibigyan ng magandang hantungan dahil sa minsan kang nagkawanggawa, dahil minsan kang naging isang dakilang pilantropo, tumulong sa maraming tao, gumawa ng maraming mabubuting gawa, nagbigay-pakinabang sa maraming tao, o nagligtas pa nga ng maraming buhay. Ibig sabihin, ang pagkakawanggawa ay hindi isang kinakailangang kondisyon para sa kaligtasan. Kung gayon, ano ang kalakip ng mga usapin ng kawanggawa? Sa realidad, sa ilang paraan, ang lahat ng tao ay may iniisip na isa o dalawang bagay na talagang maituturing na isang uri ng pagkakawanggawa. Halimbawa, ang pag-aampon sa mga asong gala. Dahil may ilang bansang hindi mahigpit ang pagkontrol sa mga alagang hayop, o dala ng mahirap na kalagayang pang-ekonomiya, madalas kang makakikita ng mga asong gala sa mga kalye o sa mga partikular na lugar. Ano ang ibig sabihin ng “mga asong gala”? Ibig sabihin nito ay may ilang taong hindi kayang kupkupin o ayaw alagaan ang kanilang mga aso, kaya inaabandona nila ang mga ito, o maaaring naligaw ang mga aso sa kung anong kadahilanan, at ngayon ay pagala-gala na sila sa mga kalye. Maaari mong isiping, “Sumasampalataya ako sa Diyos, kaya dapat kong ampunin ang mga hayop na ito, dahil ang paggawa ng mabubuting gawa ay layunin ng Diyos, isa itong bagay na nagdadala ng kaluwalhatian sa pangalan ng Diyos, at isa itong responsabilidad na dapat akuin ng mga taong sumasampalataya sa Diyos. Isa itong obligasyong hindi maaaring takasan.” Kaya, kapag nakakakita ka ng mga aso o pusang gala, iniuuwi at inaampon mo ang mga ito, namumuhay ka nang matipid upang mabilhan sila ng pagkain. May ilang tao pa ngang inilalaan ang kanilang mga suweldo at panggastos sa araw-araw para dito, at sa huli ay parami nang parami ang inaampon nilang mga aso at pusa, at kinakailangan nang umupa ng bahay. Sa paggawa niyon, labis na nagkukulang ang pera para sa sarili nilang panggastos sa araw-araw, at hindi na nagkakasya ang sweldo nila, kaya wala na silang ibang magawa kundi mangutang. Ngunit kahit na maging gaano pa kahirap ang mga bagay, pakiramdam nila ay isa itong obligasyong hindi nila pwedeng takasan, isang responsabilidad na hindi nila maaaring isantabi, at na dapat nila itong ituring na isang mabuting gawa at gawin ito nang naaangkop. Inaakala nilang isinasagawa nila ang katotohanan at itinataguyod ang mga prinsipyo. Gumugugol sila ng maraming pera, lakas, at panahon sa pag-aampon sa mga pusa at asong gala na ito upang magkawanggawa, at labis na napapanatag at nasisiyahan ang kanilang mga puso, napakaganda ng pakiramdam nila sa kanilang sarili, at iniisip pa nga ng ilang tao, “Nakaluluwalhati ito sa Diyos, nag-aampon ako ng mga nilalang na ginawa ng Diyos—isa itong hindi masusukat na mabuting gawa, at tiyak na aalalahanin ito ng Diyos.” Tama ba ang mga kaisipang ito? (Hindi tama ang mga ito.) Hindi ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos ang gawaing ito. Hindi mo ito obligasyon ni responsabilidad. Kung makakikita ka ng mga pusa o asong gala at magustuhan mo ang mga iyon, ayos lang na mag-ampon ng isa o dalawa. Gayunpaman, kung ituturing mo ang pag-aampon ng mga galang hayop bilang isang klase ng pagkakawanggawa, naniniwalang ang pagkakawanggawa ay isang bagay na dapat gawin ng isang mananampalataya ng Diyos, maling-mali ka. Isa itong baluktot na pagkaunawa at pagkaintindi.
May mga tao rin na, sa paniniwala sa sarili nilang kakayahang mabuhay, gumagastos ng kaunting sobrang pera na mayroon sila upang tulungan ang mahihirap sa paligid nila. Binibigyan nila ang mga ito ng mga damit, pagkain, pang-araw-araw na pangangailangan, at maging pera, itinuturing itong isang uri ng obligasyong dapat nilang tuparin. Maaari pa ngang magdala sila ng ilang mahihirap na tao sa kanilang mga tahanan, magbahagi ng ebanghelyo sa mga ito, at bigyan ang mga ito ng perang panggastos. Pumapayag ang mahihirap na taong ito na sumampalataya sa Diyos, at pagkatapos, tinutustusan nila ang mga ito ng pagkain at tirahan, iniisip na tinutupad nila ang sarili nilang tungkulin at obligasyon. May mga tao ring nakapapansin na may mga partikular na ulila sa lipunan na hindi pa naaampon. May kaunti silang sobrang pera na panggastos, kaya tinutulungan nila ang mga ulilang ito, nagtatayo sila ng mga bahay-kanlungan at bahay-ampunan, at inaampon ang mga ulila. Matapos ampunin ang mga ito, tinutustusan nila ng pagkain, tirahan, at pag-aaral ang mga ito, at pinalalaki pa ang mga ito hanggang sa hustong gulang. Bukod sa ipinagpapatuloy nila ang paggawa nito, ipinapasa rin nila ito sa susunod na henerasyon. Naniniwala silang isa itong hindi masusukat na mabuting gawa, isang bagay na tiyak na pagpapalain, at isang kilos na karapat-dapat alalahanin ng Diyos. Kahit sa mga panahon ng pagpapalaganap ng ebanghelyo, may ilang taong nakakikita ng mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo mula sa mahihirap na lugar na may mga paniniwala sa relihiyon at pakiramdam nila ay kailangan nilang tulungan at bigyan ng limos ang mga ito. Ngunit ang pagpapalaganap ng ebanghelyo ay pagpapalaganap ng ebanghelyo, hindi ito pagkakawanggawa o pagbibigay ng tulong. Ang layon ng pagbabahagi ng ebanghelyo ay madala ang mga taong kayang umunawa sa mga salita ng Diyos at tumanggap sa katotohanan, na tupa ng Diyos, tungo sa Kanyang sambahayan, sa Kanyang presensiya, at binibigyan sila ng pagkakataon para sa kaligtasan. Hindi ito tungkol sa pagtulong sa mga naghihikahos na tao upang may makain at maisuot ang mga ito, upang magkaroon ang mga ito ng buhay ng isang normal na tao at hindi magutom. Samakatuwid, mula sa anumang perspektiba at sa anumang aspekto, pagbibigay man ito ng tulong sa mga alaga o hayop, o pag-alalay sa mga naghihikahos na indibidwal o sa mga taong hindi matugunan ang kanilang mga pangunahing pangangailangan, ang usaping ito ng pagkakawanggawa ay hindi ang bagay na hinihingi ng Diyos bilang bahagi ng tungkulin, responsabilidad, o obligasyong dapat tuparin ng isang tao. Wala itong kaugnayan sa pagsampalataya ng mga tao sa Diyos at pagsasagawa sa katotohanan. Kung mabuti ang puso ng mga tao at handa silang gawin ito, o paminsan-minsan ay makatatagpo sila ng mga partikular na taong nangangailangan ng tulong, pwede nila itong gawin kung kaya nila. Gayunpaman, hindi mo ito dapat tingnan bilang isang gawaing ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos. Kung mayroon kang kakayahan at taglay mo ang mga kondisyon, pwede kang tumulong paminsan-minsan, ngunit kumakatawan lamang ito sa iyo mismo, hindi sa sambahayan ng Diyos, at talagang hindi sa mga hinihingi ng Diyos. Siyempre, ang paggawa nito ay hindi nangangahulugang natugunan mo na ang mga layunin ng Diyos, at talagang hindi ito nangangahulugang nagsasagawa ka ng katotohanan. Kumakatawan lamang ito sa pansarili mong asal. Kung gagawin mo ito paminsan-minsan, hindi ka hahatulan ng Diyos dahil dito, ngunit hindi rin Niya ito aalalahanin—iyon lamang. Kung gagawin mo itong isang propesyon, magbubukas ka ng mga bahay para sa matatanda, bahay-kalinga, bahay-ampunan, kanlungan ng mga hayop, o magpiprisinta pa sa mga panahon ng sakuna at maglilikom ng mga pondo mula sa mga kapatid sa iglesia o mula sa pamayanan upang ibigay sa mga lugar o taong nasalanta ng kalamidad, gaano kahusay sa tingin mo ang ginagawa mo? Dagdag pa rito, may ilang taong lumalapit sa iglesia upang humingi ng mga donasyon mula sa mga kapatid kapag tinatamaan ang mga partikular na lugar ng mga lindol, baha, o ibang natural o gawa ng taong kalamidad. Ang malala pa, may ilang tao pa ngang gumagamit ng mga handog upang tulungan ang mga lugar at taong nasalanta ng kalamidad. Naniniwala silang obligasyon ito ng bawat mananampalataya, at isang obligasyong dapat tuparin ng iglesia bilang isang organisasyon ng pamayanang panlipunan. Itinuturing nila itong isang makatarungang adhikain, bukod sa humihingi sila ng mga kontribusyon mula sa mga kapatid, hinihimok din nila ang iglesia na ilaan ang mga handog upang tumulong sa mga lugar na nasalanta ng kalamidad. Ano ang palagay ninyo rito? (Masama ito.) Masama lamang ba ito? Talakayin ninyo ang kalikasan ng bagay na ito. (Ang mga handog ay nakalaan para sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, para sa pagpapalawak sa gawain ng ebanghelyo. Hindi nakalaan ang mga iyon para sa pagtulong sa mga nasalanta ng sakuna o pagtulong sa mahihirap.) (Ang pagtulong sa mga nasalanta ng sakuna ay walang kaugnayan sa katotohanan; hindi ipinahihiwatig ng paggawa nito na naisasagawa ang katotohanan, at talagang hindi ito nagpapatotoo sa isang pagbabago sa disposisyon.) May ilang taong naniniwala na yamang naninirahan ang lahat ng tao sa iisang planeta, ang mga naninirahan sa daigdig ay bumubuo sa isang malaking pamilya, at kapag nalalagay sa panganib ang isang partido, dapat na magsama-sama ang iba upang umalalay. Iniisip nilang dapat nilang lubos na iparamdam sa mga taong nasa isang lugar ng sakuna ang kabutihan ng kanilang kapwa tao, at iparanas ang kabutihan at tulong mula sa iglesia. Itinuturing nila itong isang hindi masusukat na mabuting gawa, isang kilos na nagpaparangal sa Diyos, at isang magandang pagkakataon upang magpatotoo sa Diyos. May ilang taong, kapag hiningi mong panghawakan nila ang mga prinsipyo habang gumagawa sa mga tungkulin at iayon ang kanilang mga pagsasagawa sa mga salita ng Diyos at pagsasaayos ng gawain, ay nawawalan ng sigla at gana. Hindi nila pinag-iisipan ang mga bagay na ito sa kanilang puso. Ngunit tungkol naman sa paglalaan ng mga handog upang magbigay ng tulong sa mga taong mula sa mga naghihikahos o atrasadong bansa, pagbili sa kanila ng mga kagamitan para sa paggampan ng mga tungkulin, at pagtulong sa kanilang mabuhay nang may sapat na pagkain at kasuotan, masyado silang nagiging masigasig at nasasabik na magtrabaho, nagnanais na gumawa ng higit at higit pang mga bagay. Bakit masyado silang masigasig? Dahil nais nilang maging mga dakilang pilantropo. Sa sandaling mabanggit ang isang dakilang pilantropo, nagsisimula silang makaramdam ng pagiging masyadong marangal. Nakararamdam sila ng matinding karangalan na isakripisyo ang kanilang mga pagsisikap alang-alang sa mga pamumuhay ng mahihirap na taong ito at gamitin ang sarili nilang liwanag at kabutihan. Labis silang nasasabik tungkol dito, at dahil dito, gustong-gusto ng ilang taong isagawa ang mga aktibidad na ito. Ngunit ano ang layon sa likod ng pambihirang kagustuhang ito na gawin ang mga bagay na ito? Para ba talaga parangalan ang Diyos? Kailangan ba ng Diyos ang ganitong uri ng karangalan? Kailangan ba ng Diyos ang ganitong uri ng patotoo? Maaari bang magdanas ng kahihiyan ang pangalan ng Diyos kung hindi ka magbibigay ng pera o magbibigay ng tulong? Mawawala ba sa Diyos ang Kanyang kaluwalhatian? Posible bang maluwalhati ang Diyos kapag ginawa mo ito? Mabibigyang-lugod ba Siya? Totoo ba ito? (Hindi.) Kung gayon ay ano ang nangyayari? Bakit gustong-gusto ng mga taong ito na gawin ito? Ang layunin ba nila ay bigyang-lugod ang sarili nilang banidad? (Oo.) Ito ay upang makakuha ng pagsang-ayon mula sa mga taong kanilang natulungan, upang mapapurihan para sa kanilang pagkabukas-palad, kagandahang-loob, at kayamanan. May ilang taong palaging magiting ang espiritu: Nais nilang maging mga tagapagligtas. Bakit hindi mo iligtas ang iyong sarili? Alam mo ba kung anong klase ka ng tao? Kung may kakayahan kang iligtas ang iba, bakit hindi mo mailigtas ang iyong sarili? Kung napakabukas-palad mo, bakit hindi mo ibenta ang iyong sarili at ibigay ang pera sa mga taong iyon para matulungan sila? Bakit ka gagamit ng mga handog? Kung taglay mo ang kakayahang ito, dapat kang tumigil sa pagkain at pag-inom, o kumain ka lang nang isang beses sa isang araw, at gamitin mo ang perang matitipid mo upang tulungan ang mga taong iyon, upang hayaan silang makakain nang mabuti at makapagbihis nang maayos. Bakit mo ginagamit ang mga handog sa Diyos sa mga maling bagay? Hindi ba’t pagiging bukas-palad ito na nakapipinsala sa sambahayan ng Diyos? (Oo.) Ang pagiging bukas-palad na nakapipinsala sa sambahayan ng Diyos, pagkakamit sa titulong “dakilang pilantropo” mula sa iba, pagtupad sa sarili mong walang kabuluhang pagnanais na kailanganin ng iba—hindi ba’t kawalan ito ng kahihiyan? (Oo.) Yamang isa itong kahiya-hiyang gawain, dapat ba itong isakatuparan o hindi? (Hindi dapat.) Ang kalikasan ng pagpapalawak ng sambahayan ng Diyos sa ebanghelyo ay hindi upang magkawanggawa; tungkol ito sa paghahanap sa mga tupang kayang umunawa sa mga salita ng Diyos, pagbabalik sa mga taong ito sa presensiya ng Diyos, pagtanggap sa pagkastigo at paghatol ng Diyos, at pagtanggap sa pagliligtas ng Diyos. Pakikipagtulungan ito sa plano ng pamamahala ng Diyos para sa pagliligtas sa sangkatauhan, hindi pagkakawanggawa, hindi pagbibigay ng tulong o pangangaral ng ebanghelyo kung saan man may kahirapan. Pagkakawanggawa iyon na kunwari ay pagpapalaganap ng ebanghelyo, upang masigurong makakakain nang mabuti at makapagbibihis nang maayos ang mga taong ito, makagagamit ng makabagong teknolohiya, at magtatamasa ng makabagong buhay—makapagliligtas ba ng mga tao ang mga kilos na ito? Hindi makakamit ng gayong mga kilos ang layon ng pagpapalaganap ng ebanghelyo at pagliligtas sa mga tao. Ang pagpapalaganap ng ebanghelyo ay hindi pagkakawanggawa; tungkol ito sa pagkuha ng mga loob, pagdadala sa mga tao sa harap ng Diyos, pagbibigay-daan sa kanilang tanggapin ang katotohanan at ang pagliligtas ng Diyos—hindi ito tungkol sa pagbibigay ng tulong. Dahil sa mga pangangailangan ng gawain sa iglesia, iniiwanan ng ilang tao ang kanilang trabaho at pamilya upang full-time na tumuon sa kanilang mga tungkulin, at binibigyan sila ng sambahayan ng Diyos ng panggastos sa araw-araw. Ngunit hindi ito tulong, ni pagkakawanggawa. Kapag ipinalalaganap ng sambahayan ng Diyos ang ebanghelyo at itinatatag ang iglesia, hindi ito nagtatayo ng mga institusyong nagkakalinga o bahay-kanlungan. Hindi ito tungkol sa paggamit sa mga pakinabang o pondong ito upang suhulan ang mga tao o papasukin sila sa sambahayan ng Diyos upang mamalimos ng pagkain at inumin. Ang sambahayan ng Diyos ay hindi nagsusuporta sa mga palamunin o pulubi, ni nagkukupkop ng mga palaboy o ulila, ni nagbibigay ng tulong para sa mga taong walang makain. Kung hindi makabili ng pagkain ang isang tao, ito ay dahil sa siya ay tamad o walang kakayahan. Kasalanan niya ito, at wala itong kinalaman sa pagpapalaganap natin ng ebanghelyo. Ipinalalaganap natin ang ebanghelyo upang mahikayat ang mga tao, upang mahikayat ang mga taong kayang umunawa sa mga salita ng Diyos at tumanggap sa katotohanan, hindi upang makita kung sino ang mahirap, sino ang kaawa-awa, sino ang naaapi, o sino ang walang malalapitan, upang kupkupin o tulungan natin sila. May sariling mga prinsipyo at pamantayan ang pagpapalaganap ng ebanghelyo, at may mga kinakailangan at pamantayan para sa mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo. Hindi ito tungkol sa paghahanap sa mga pulubi. Samakatuwid, kung itinuturing mong isang mapagkawanggawang pagsisikap ang pagpapalaganap ng ebanghelyo, nagkakamali ka. O kung naniniwala kang kapag ginagawa mo ang tungkuling ito ng pagpapalaganap ng ebanghelyo at pag-aasikaso sa gawaing ito, nagkakawanggawa ka, mas mali pa iyon. Ang direksyong ito, pati na ang pinagsimulan, ay parehong likas na mali. Kung ang sinuman ay may gayong pananaw o gumagamit ng gayong direksyon sa kanyang mga kilos, dapat na agad niyang itama at baguhin ang kanyang perspektiba. Hindi kailanman kinaaawaan ng Diyos ang mahihirap o ang mga naaaping tao sa laylayan ng lipunan. Sino ang kinahahabagan ng Diyos? Kahit papaano, kailangan ay isa itong taong sumasampalataya sa Diyos, isang taong kayang tumanggap sa katotohanan. Kung hindi mo sinusunod ang Diyos, at nilalabanan at nilalapastangan mo ang Diyos, kahahabagan ka ba ng Diyos? Imposible ito. Samakatuwid, hindi dapat maling isipin ng mga taong, “Ang Diyos ay isang mahabaging Diyos. Kinaaawaan Niya ang mga taong naaapi, kinaiinisan, hinahamak, minamaliit at walang malalapitan sa lipunan. Kinaaawaan silang lahat ng Diyos, at hinahayaan sila ng Diyos na pumasok sa Kanyang sambahayan.” Mali ito! Kuru-kuro at imahinasyon mo ito. Kailanman ay walang sinabi o ginawa ang Diyos na ganoon. Sarili mo lamang itong pagpapantasya, mga ideya mo ng kabutihan ng tao, na walang kaugnayan sa katotohanan. Tingnan mo ang mga taong pinili at dinala ng Diyos sa Kanyang sambahayan. Anuman ang katayuan nila sa lipunan, mayroon bang sinuman na kinaawaan o kinahabagan ng Diyos dahil sa wala siyang makain, at dinala siya sa Kanyang sambahayan? Walang ni isa. Sa kabaligtaran, ang mga taong pinili ng Diyos, anuman ang kanilang kalagayan sa lipunan—kahit pa mga magsasaka sila—walang pagkakataong hindi sila nakakain, at walang pulubi sa kanila. Isa itong patotoo sa mga pagpapala ng Diyos. Kung pinili ka ng Diyos, at isa ka sa mga hinirang na tao ng Diyos, hindi ka Niya hahayaang labis na maghikahos na hindi ka na makakain, o umabot sa puntong kakailanganin mong mamalimos ng pagkain. Sa halip, masagana kang bibigyan ng Diyos ng kasuotan at pagkain. May ilang taong sumasampalataya sa Diyos na palaging may mga partikular na maling ideya. Ano ang inaakala nila? “Karamihan sa mga mananampalataya ng Diyos ay mula sa pinakamabababang antas ng lipunan, at maaaring pulubi pa nga ang ilan.” Totoo ba ito? (Hindi, hindi ito totoo.) May mga tao pa ngang nagkakalat ng mga usap-usapan na dati Akong pulubi. Sabi Ko, “Kung gayon, kahit kailan ba ay nagsuot Ako ng telang-sako o humawak ng tungkod? Kung sinasabi ninyong dati Akong pulubi, paanong hindi Ko alam ang tungkol doon?” Ako ang pinag-uusapan natin, subalit kahit Ako ay hindi Ko alam iyon; talagang kalokohan ito! Nang sabihin ng Diyos na, “May mga lungga ang mga zorra, at may mga pugad ang mga ibon sa langit; datapuwat ang Anak ng tao ay walang kahiligan ang Kanyang ulo,” ano ang ibig sabihin nito? Sinasabi ba ng Diyos na naging pulubi Siya? Sinasabi ba Niyang hindi Siya suportado at hindi Siya makabili ng makakain? (Hindi.) Hindi ganoon. Kung gayon ay ano ang ibig sabihin ng pahayag na ito? Ibig sabihin nito, tinalikuran ng mundo at ng sangkatauhan ang Diyos; ipinakikita nitong walang puwang para sa Diyos, at pumarito ang Diyos upang iligtas ang sangkatauhan, subalit hindi nila Siya tinanggap. Walang sinumang handang tumanggap sa Diyos. Tumutukoy ang pahayag na ito sa hindi magandang panig ng tiwaling sangkatauhan at sumasalamin sa mga paghihirap na tiniis ng Diyos na nagkatawang-tao sa mundo ng tao. Nang sabihin ito ng Diyos, naisip ng ilang tao, “Gusto ng Diyos ang mga pulubi, at mas maganda pa ang kalagayan natin kaysa sa mga pulubi, kaya mas mataas ang ating katayuan sa mga mata ng Diyos.” Dahil dito, handa silang tumulong sa mga pulubi. Isa itong lubos na maling pagkaunawa sa panig ng mga tao, kabilang ito sa mga nakalilinlang na kaisipan at pananaw ng mga tao. Wala talaga itong kaugnayan sa diwa ng Diyos, sa Kanyang disposisyon, o sa Kanyang habag at pag-ibig.
Sinasabi ng ilang tao, “Tinatalakay Mo ang tungkol sa pagbitiw sa ‘propesyon’ sa loob ng paksa ng pagbitiw sa mga paghahangad, mithiin, at hangarin ng mga tao, at sinasabihan Mo ang mga taong huwag magkawanggawa. Ngunit bakit lagi Mong binibigyang-diin ang pagtrato nang mabuti sa mga hayop at hindi pananakit sa mga iyon? Ano ang ibig sabihin nito? Kinukupkop pa nga ang mga aso at pusa sa sambahayan ng Diyos, at hindi pinahihintulutan ang mga taong saktan ang mga iyon.” Sabihin ninyo sa Akin, may kaibahan ba ito sa pagkakawanggawa? Magkapareho ba ang mga iyon? (Hindi, hindi magkapareho ang mga iyon.) Ano ang nangyayari dito? (Ang hindi pananakit sa iba’t ibang uri ng hayop ay isang pagpapahayag ng normal na pagkatao.) Isa itong pagpapahayag ng normal na pagkatao. Kung gayon, ano ang dapat na maging pagsasagawa at pagpapamalas ng normal na pagkatao? (Yamang pinili ng isang taong kupkupin ang mga iyon, kailangan niyang tuparin ang kanyang responsabilidad.) Ang patupad sa responsabilidad ng isang tao—may mas partikular pa ba roon? (Kailangan niyang alagaan ang mga iyon.) Isa iyong partikular na kilos. Ano-ano ang mga prinsipyong dapat na sundin? May kinalaman ito sa katotohanan. Hayaan ninyong ipaliwanag Ko, at pakinggan at tingnan ninyo kung may kinalaman ito sa katotohanan. Ang pagmamalasakit sa mga nilalang na nilikha ng Diyos ay isang pagpapahayag ng normal na pagkatao. Mas partikular na, ibig sabihin nito ay pagtupad sa iyong responsabilidad sa mga iyon at pag-aalaga sa mga iyon nang mabuti. Yamang pinili mong kupkupin ang mga iyon, kailangan mong tuparin ang responsabilidad mo. Ang mga alagang hayop ay nararapat lamang na kupkupin at alagaan ng mga tao. Ang mga iyon ay hindi tulad ng mga ligaw na hayop na hindi kailangan ng pag-aalaga mo. Ang pinakamalaking paggalang at malasakit na maipakikita mo sa mga ligaw na hayop ay iwasan ang sadyang pagsira sa kanilang tirahan at huwag silang hulihin o patayin. Para naman sa maaamong ibon, hayop na pambukid, o mga alagang hayop na pwedeng panatilihin ng mga tao sa kanilang mga tahanan, yamang pinili mong kupkupin sila, dapat mong tuparin ang iyong responsabilidad. Ibig sabihin, batay sa iyong sitwasyon, samahan mo sila sandali kung may panahon ka, at kung abala ka, tiyakin mo lang na nakakakain at komportable sila. Ang gusto lamang sabihin nito, dapat mo silang pahalagahan. Ano ang ibig sabihin ng pagpapahalaga sa kanila? Igalang mo ang buhay na nilikha ng Diyos at alagaan mo ang mga nilalang na Kanyang nilikha. Pahalagahan mo sila, alagaan sila: hindi ito pagkakawanggawa, pagtrato ito sa kanila nang tama. Isa ba itong prinsipyo? (Oo.) Hindi ito pagkakawanggawa. Ano ba ang tinutukoy ng kawanggawa? Hindi ito tungkol sa pagtupad sa isang responsabilidad o sa pagpapahalaga sa buhay. Tungkol ito sa pagkilos nang higit sa saklaw ng iyong kakayahan at lakas at paggawa sa bagay na ito na isang propesyon. Wala itong kinalaman sa pagpapalaki ng mga alagang hayop. Kung ang isang tao ay ni hindi kayang magkaroon ng simpleng pagmamahal o responsabilidad sa mga alagang kanilang kinukupkop, anong uri ng tao siya? Nagtataglay ba siya ng pagkatao? (Hindi siya nagtataglay ng pagkatao.) Sa paanuman, walang pagkatao ang taong ito. Sa realidad, hindi masyadong marami ang hinihingi ng mga aso at pusa sa mga tao. Gaano man katindi ang pagmamahal mo sa kanila o kung gusto mo man sila o hindi, kahit papaano, dapat kang maging responsable sa pag-aalaga sa kanila, dapat mo silang pakainin sa oras, at iwasan mo silang pagmalupitan—sapat na iyon. Depende sa kalagayan ng iyong kabuhayan, anumang pagkain o sitwasyon ng pamumuhay na kaya mo ay dapat mong ibigay sa kanila. Iyon na ‘yon. Kaunti lang ang mga hinihingi nilang kondisyon para mabuhay. Dapat mo lamang iwasan ang pagmamalupit sa kanila. Kung hindi man lamang magkakaroon ang mga tao ng ganito kakaunting pagmamahal, ipinakikita nito kung gaano sila kawalang-pagkatao. Ano ba ang nakapaloob sa pagmamalupit? Ang pananakit at pagsigaw sa kanila nang walang dahilan, hindi pagpapakain sa kanila kapag kailangan silang pakainin, hindi pagpapalakad sa kanila kapag kailangan nilang maglakad, at hindi pag-aalaga sa kanila kapag may sakit sila. Kung hindi ka masaya o masama ang lagay ng loob mo, ibinubunton mo ang galit mo sa kanila sa pamamagitan ng pananakit at pagsigaw sa kanila. Tinatrato mo sila sa paraang hindi makatao. Pagmamalupit iyon. Kung maiiwasan mo ang pagmamalupit at kung kaya mo lang tuparin ang iyong responsabilidad, sapat na iyon. Kung wala ka man lang ng kaunting habag na ito upang tuparin ang iyong responsabilidad, hindi ka dapat magkupkop ng alagang hayop. Dapat mo itong pakawalan, humanap ka ng isang taong may gusto rito at hayaan siyang alagaan ito, bigyan mo ito ng pagkakataong mabuhay. Ang ilang taong nagkukupkop ng mga aso ay hindi man lang mapigilan ang pagmamalupit sa mga ito. Nagkukupkop sila ng mga aso nang ang tanging layon ay ilabas ang kanilang mga sama ng loob, ginagamit ang mga asong ito bilang mapaglalabasan kapag masama ang lagay ng loob nila o nalulumbay sila at kailangan nilang magpalabas ng kinikimkim na damdamin. Hindi sila nangangahas na manakit o manigaw ng ibang tao, natatakot sila sa mga kahihinatnan at pananagutang kakailanganin nilang pasanin. Nagkataong may alaga sila sa bahay, isang aso, kung kaya’t inilalabas nila ang mga sama ng loob nila sa aso, dahil kung tutuusin, hindi naman ito nakauunawa at hindi ito mangangahas na lumaban. Walang pagkatao ang gayong mga tao. May mga tao ring nagkukupkop ng mga aso at pusa ngunit hindi kayang tumupad sa kanilang mga responsabilidad. Kung ayaw mo ito, huwag kang magkupkop ng alaga. Ngunit kung pipiliin mong kupkupin ito, kailangan mong tuparin ang iyong responsabilidad. May sarili itong buhay at mga emosyonal na pangangailangan. Kailangan nito ng tubig kapag nauuhaw at pagkain kapag nagugutom. Kailangan din nitong maging malapit sa mga tao at mapanatag nila. Kung masama ang lagay ng loob mo at sasabihin mong, “Wala akong panahon para bigyan ka ng atensyon, alis!”—hindi iyon magandang pagtrato sa isang alagang hayop. May konsensiya o katwiran ba rito? (Wala.) Sinasabi ng ilang tao, “Gaano na ba katagal mula nang huli mong pinaliguan ang aso at pusa mo? Napakadungis nila!” “Sus, paliguan sila? Ni hindi ko nga alam kung sino ang magpapaligo sa akin. Kapag ilang araw na akong hindi naliligo parang wala namang may pakialam!” Makatao ba ito, o nagpapakita ba ito ng anumang sensibilidad ng tao? (Hindi.) Maganda man ang lagay ng loob nila o hindi, kapag kumikiskis o naglalambing sa kanila ang isang pusa o aso, sinisipa lang nila ito palayo, sinasabing, “Alis nga riyan, bwisit! Gaya lang ng maniningil-utang, laging may problema kapag nandito ka. Gusto mo lang ng makakain o maiinom. Hindi maganda ang lagay ng loob ko para makipaglaro sa iyo!” Kung wala kang kahit kaunting habag, hindi ka dapat magkupkop ng anumang alagang hayop. Dapat mo silang pakawalan agad-agad. Nagdurusa ang pusa o asong iyon dahil sa iyo! Masyado kang makasarili at hindi ka karapat-dapat na magkaroon ng mga alaga. Sa tuwing magkukupkop ka ng isang pusa o isang aso, nakasalalay ang kanilang pagkain at inumin sa iyong pangangalaga. Dapat mong maunawaan ang prinsipyong ito. Bakit ka nakikipagkompetensya sa mga hayop? Sinasabi mo, “Wala namang magpapaligo sa akin, sino ang magpapaligo sa akin?” Sino ang magpapaligo sa iyo? Tao ka. Dapat mong paliguan ang sarili mo. Kaya mong alagaan ang iyong sarili, ngunit kailangan ng mga pusa at aso ang pag-aalaga mo dahil ikaw ang nagpapalaki sa kanila, at dahil ikaw ang nagpapalaki sa kanila, may obligasyon kang alagaan sila. Kung ni hindi mo kayang tuparin ang obligasyong ito, hindi ka karapat-dapat na magkupkop sa kanila. Bakit kailangan mong makipagkompetensya sa kanila? Sinasabi mo pang, “Inaalagaan kita, ngunit sino ang nag-aalaga sa akin? Kapag nalulumbay ka, lumalapit ka sa akin para mapanatag. Kapag nalulumbay ako, sino ang nagpapagaan sa loob ko?” Hindi ba’t tao ka? Ang mga tao ay dapat na magkontrol ng sarili at makibagay ng sarili. Mas simple ang mga pusa at aso: Hindi nila kayang magkontrol ng sarili, kaya kailangan nila ang mga tao para mapanatag sila. Ito ang pagkakaiba ng paraan ng pagtrato mo sa mga hayop at ng pagkakawanggawa. Ano ang prinsipyo para sa paraan ng pagtrato mo sa mga hayop? Pahalagahan mo ang buhay, igalang mo ang buhay, at huwag mo silang pagmalupitan. Sa pakikitungo sa lahat ng bagay na nilikha ng Diyos, sundin mo ang mga likas nilang batas, tratuhin mo ang iba’t ibang nilalang na nilikha ng Diyos nang tama alinsunod sa mga kautusang Kanyang itinakda, magpanatili ka ng mga wastong kaugnayan sa lahat ng uri ng nilalang, at huwag mong sirain o kalbuhin ang kanilang mga tirahan. Ang mga ito ang mga prinsipyo sa paggalang at pagpapahalaga sa buhay. Gayunpaman, ang mga prinsipyo para sa paggalang at pagpapahalaga sa buhay ay hindi tungkol sa pagkakawanggawa. Isa itong prinsipyong mula sa mga kautusang pansansinukob na itinakda ng Diyos na dapat sundin ng bawat nilikha. Ngunit ang pagsunod sa prinsipyong ito ay hindi katumbas ng pagkakawanggawa.
Ngunit may ilang taong nagtatanong, “Bakit hindi kami pinapayagan ng Diyos na magkawanggawa pagdating sa usaping propesyon? Kung hindi Niya kami papayagang magkawanggawa, ano ang dapat gawin sa lipunan sa mga tao o mga bagay na may buhay na nangangailangan ng tulong? Sino ang tutulong sa kanila?” Mayroon bang anumang kinalaman sa iyo kung sino ang tutulong sa kanila? (Wala itong kinalaman sa amin.) Hindi ba’t kabilang ka sa sangkatauhan? Mayroon ba itong anumang kinalaman sa iyo? (Wala, hindi ito ang misyon ng mga tao.) Eksakto, hindi ito ang misyon mo, hindi rin ito ang ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos. Ano ang misyon mo? Ang tuparin ang tungkulin ng isang nilikha, pakinggan ang mga salita ng Diyos, magpasakop sa mga salita ng Diyos, tanggapin ang katotohanan upang magtamo ng kaligtasan, gawin kung ano ang ipinagagawa sa iyo ng Diyos, at layuan ang mga bagay na sinasabi ng Diyos na huwag mong gawin. Sino ang mag-aasikaso sa mga bagay na may kinalaman sa kawanggawa? Hindi mo na dapat alalahanin kung sino ang mag-aasikaso sa mga iyon. Anu’t ano man, hindi mo kinakailangang asikasuhin o alalahanin ang mga iyon. Ang pamahalaan man o iba’t ibang organisasyon sa pamayanan ang mangangasiwa sa mga usapin ng kawanggawa, hindi ito ang paksang ating pinag-uusapan. Sa madaling salita, dapat na ituring ng mga taong sumasampalataya sa Diyos at naghahangad sa katotohanan ang pagsunod sa daan ng Diyos at sa Kanyang kalooban bilang kanilang mga pamantayan, layon ng pagsasagawa, at direksyon. Isa itong bagay na dapat maunawaan ng mga tao, at isa itong walang hanggang katotohanan na hinding-hindi magbabago. Siyempre, ang paminsan-minsang paggawa ng isang bagay upang makatulong sa iba ay hindi isang propesyon; isa itong paminsan-minsang kilos, at hindi ito panghahawakan ng Diyos laban sa iyo. Itinatanong ng ilang tao, “Hindi ba inaalala ng Diyos ang gayong mga bagay?” Hindi inaalala ng Diyos ang mga iyon. Kung minsan kang nagbigay ng pera sa isang pulubi o sa isang taong walang pamasahe pauwi, o tumulong sa isang taong palaboy; kung ginagawa mo ang tulad nito paminsan-minsan, o kahit ilang beses lang sa iyong buong buhay, sa mga mata ng Diyos, inaalala ba Niya ang gayong mga bagay? Hindi, hindi inaalala ng Diyos ang mga iyon. Kung gayon, paano tinitimbang ng Diyos ang mga kilos na ito? Hindi inaalala o kinokondena ng Diyos ang mga ito—hindi Niya tinitimbang ang mga ito. Bakit? Walang kinalaman ang mga ito sa paghahangad sa katotohanan. Ang mga ito ay mga pansariling kilos na walang kaugnayan sa pagsunod sa daan ng Diyos o sa pagsasakatuparan sa Kanyang kalooban. Kung personal mong nais na gawin ang mga iyon, kung gagawa ka ng isang mabuting bagay dala ng isang panandaliang bugso ng kagandahang-loob o pansamantalang pang-uudyok ng iyong konsensiya, o kung gagawa ka ng isang mabuting bagay sa isang sandali ng kasiglahan o simbuyo, kung pagsisisihan mo man ito kalaunan o hindi, makatatanggap ka man ng gantimpala o hindi, wala itong kaugnayan sa pagsunod sa daan ng Diyos o sa pagsasakatuparan sa Kanyang kalooban. Hindi ito inaalala ng Diyos, hindi ka rin Niya kinokondena dahil dito. Ano ang ibig sabihin ng hindi pag-alala ng Diyos dito? Ibig sabihin nito, hindi ka palalagpasin ng Diyos sa Kanyang pagkastigo at paghatol sa buong panahon ng iyong kaligtasan dahil minsan mong ginawa ang bagay na ito, hindi ka rin Niya palalagpasin at hahayaang maligtas dahil gumawa ka ng ilang mabuti o mapagkawanggawang bagay. Ano ang ibig sabihin ng hindi ka kokondenahin ng Diyos para dito? Ibig sabihin nito, ang mabubuting bagay na iyong ginawa ay walang kinalaman sa katotohanan, kumakatawan lamang ang mga iyon sa sarili mong mabuting pag-uugali, hindi nakalalabag ang mga iyon sa mga atas administratibo ng Diyos, ni nanghihimasok sa mga interes ng sinuman. Siyempre, hindi rin naman ipinahihiya ng mga iyon ang pangalan ng Diyos, lalong hindi niluluwalhati ang Kanyang pangalan. Hindi nilalabag ng mga iyon ang mga hinihingi ng Diyos, ni wala ring kinalaman ang mga iyon sa paglabag sa mga layunin ng Diyos, at talagang walang kinalaman ang mga iyon sa pagrerebelde sa Diyos. Bunga nito, hindi ka kokondenahin ng Diyos dahil sa mga iyon, kumakatawan lamang ang mga iyon sa isang uri ng pansariling mabuting gawa. Bagaman ang gayong mabubuting gawa ay maaaring makakuha ng papuri mula sa mundo at ng pagkilala mula sa lipunan, sa mga mata ng Diyos, walang kaugnayan ang mga iyon sa katotohanan. Hindi inaalala ng Diyos ang mga iyon, ni hindi rin Niya kinokondena ang isang tao dahil sa mga iyon, na nangangahulugang sa harapan ng Diyos, wala masyadong halaga ang mga kilos na ito. Gayunpaman, may isang posibilidad, iyon ay, kung ililigtas mo ang isang tao, at bibigyan siya ng pinansiyal na tulong o kung anong klase ng materyal na tulong, o bibigyan pa nga siya ng emosyonal na tulong, at bibigyang-daan mo ang masamang taong iyon na magtagumpay sa kanyang mga pagsisikap, hahayaan siyang gumawa ng mas maraming krimen at magdulot ng panganib sa lipunan at sangkatauhan, na magbubunga ng mga partikular na kawalan, magiging ibang usapan na ang mga iyon. Sa kaso ng isang pangkaraniwang gawaing pangkawanggawa, ang pananaw ng Diyos ay hindi Niya ito inaalala ni kinokondena. Ngunit ang katunayang hindi Niya ito inaalala ni kinokondena ay hindi nangangahulugang sinusuportahan o hinihikayat ka ng Diyos na magkawanggawa. Gayunpaman, inaasahan pa ring hindi mo ilalaan ang iyong lakas, panahon, at pera sa mga bagay na lubos na walang kaugnayan sa kaligtasan o sa pagsasagawa sa katotohanan at sa paggawa sa iyong tungkulin, dahil may mas mahahalaga kang bagay na dapat gawin. Ang iyong panahon, lakas, at buhay ay hindi nakalaan para sa pagkakawanggawa, at hindi nakalaan ang mga iyon para ipakita ang iyong pansariling karakter at karisma sa pamamagitan ng isang propesyon ng kawanggawa. Lalo na para sa mga taong nagbubukas ng mga pabrika, namamahala ng mga paaralan, o nagpapatakbo ng negosyo na ang layon ay makapagbigay ng mga pangunahing pangangailangan sa mas maraming naghihikahos na tao o tumulong sa mga itong tuparin ang mga mithiin ng mga ito, ginagawa nila ang mga bagay na ito upang makatulong sa mahihirap. Kung pipiliin mong umalalay sa mahihirap sa pamamagitan ng mga pamamaraang ito, walang dudang kakain ito ng malaking bahagi ng iyong panahon at lakas. Hahantong ka sa paggugol at paggamit ng malaking bahagi ng panahon at lakas ng iyong buhay para sa adhikaing ito, at dahil dito, mababawasan ang panahon mo para sa paghahangad sa katotohanan; maaari ka pa ngang mawalan ng panahong hangarin ang katotohanan, at tiyak na hindi ka magkakaroon ng pagkakataong gawin ang sarili mong tungkulin. Sa halip, sasayangin mo ang iyong lakas sa mga tao, pangyayari, at bagay na walang kaugnayan sa katotohanan o sa gawain ng iglesia. Katawa-tawang pag-uugali ito. Ang pangunahing dahilan ng katawa-tawang pag-uugaling ito ay ang palaging pagnanais ng ilang taong baguhin ang tadhana ng tao at ang mundo sa pamamagitan ng mabubuti nilang layunin at ilang limitadong kakayahan. Nais nilang baguhin ang tadhana ng tao sa pamamagitan ng sarili nilang mga pagsisikap at kagandahang-loob. Isa itong katawa-tawang pagsisikap. Yamang isa itong katawa-tawang pagsisikap, huwag mo itong akuin. Siyempre, ang batayan para sa hindi pag-ako rito ay na isa kang taong naghahangad sa katotohanan, na nais mong hangarin ang katotohanan at kaligtasan. Kung sasabihin mong, “Hindi ako interesado sa kaligtasan, at hindi ganoon kahalaga sa akin ang paghahangad sa katotohanan,” pwede mong gawin ang gusto mo. Tungkol sa usapin ng kawanggawa, kung ito ang iyong mithiin at paghahangad, kung naniniwala kang sa ganitong paraan naipapakita ang iyong halaga, na pagkakawanggawa ang tanging bagay na makapagpapakita ng halaga ng iyong buhay, sige, gawin mo. Maaari mong gamitin ang anumang kasanayan at kakayahang mayroon ka, walang pumipigil sa iyo. Ang batayang pinagbabahaginan natin dito sa hindi pagsasagawa ng mga aktibidad na pangkawanggawa ay, yamang nais mong hangarin ang katotohanan at kaligtasan, dapat mong bitiwan ang mithiin at hangaring magkawanggawa. Huwag mo itong pagpursigihan bilang mithiin at hangarin ng iyong buhay. Huwag mong isagawa ang aktibidad na ito sa isang personal na antas, at hindi rin ito isasagawa ng sambahayan ng Diyos. Siyempre, may isang sitwasyon sa sambahayan ng Diyos, iyon ang pagmamalasakit sa mga buhay sa tahanan ng mga partikular na naghihikahos na kapatid. May kasama itong batayan. Sa palagay Ko ay alam na ninyong lahat ang batayang ito: Hindi ito pagkakawanggawa, isa itong pagsasaayos ng gawain na panloob sa sambahayan ng Diyos hinggil sa mga buhay ng mga kapatid. Wala itong kaugnayan sa pagkakawanggawa. Sa sambahayan ng Diyos, maliban sa hindi pagkakawanggawa, wala ring pakikilahok sa anumang aktibidad na pangkawanggawa ng lipunan; halimbawa, ang sambahayan ng Diyos ay hindi nagtatayo ng mga paaralan, nagbubukas ng mga pabrika, nagpapatakbo ng mga negosyo. Kung ang sinuman ay magbubukas ng mga pabrika, magtatayo ng mga paaralan, magpapatakbo ng negosyo, o makikibahagi sa anumang komersyal na aktibidad sa ngalan ng pagkakaroon ng mapagkukunan ng pondo para sa normal na operasyon ng gawain ng iglesia, ang lahat ng ito ay makalalabag sa mga atas administratibo ng sambahayan ng Diyos at dapat na mapigilan. Kung gayon, ano ang pinansiyal na pinagkukunan para sa operasyon ng gawain ng sambahayan ng Diyos? Alam ba ninyo? Nanggagaling ang mga iyon sa mga donasyon ng mga kapatid, sa mga handog upang mapanatili ang normal na operasyon ng gawain. Ano ang ipinahihiwatig nito? Ang perang ibinigay ng mga kapatid, ang kanilang mga donasyon sa Diyos, ay mga handog, at ano ang gamit ng isang handog? Ito ay upang ingatan ang normal na operasyon ng gawain ng iglesia. Siyempre, may iba’t ibang gastusing may kinalaman sa normal na operasyong ito, at ang mga gastusing ito ay dapat na pamahalaan alinsunod sa mga prinsipyo at hindi dapat lumabag sa mga prinsipyong ito. Dahil dito, kapag may mga pinansyal na suliraning sangkot sa gawain ng iglesia, at may ilang lider at manggagawang naglulustay ng mga handog at nagdudulot ng malalaking kawalan sa mga handog na iyon, magpapataw ang sambahayan ng Diyos ng mabigat na kaparusahan sa kanila. Bakit magkakaroon ng mabigat na kaparusahan? Bakit walang nakalulusot na taong naglulustay ng mga handog? (Dahil ang mga handog sa Diyos ay ibinigay ng mga kapatid sa Diyos, at tanging ang Diyos ang maaaring magtamasa sa mga iyon. Sa isa pang aspekto, ang mga handog na ito ay nakalaan upang panatilihin ang wastong operasyon ng gawain ng sambahayan ng Diyos. Kung lulustayin ng mga lider o manggagawa ang mga handog, direkta itong magdudulot ng epekto at kawalan sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Nakagagambala at nakagugulo ito sa gawain ng sambahayan ng Diyos, kaya dapat na magpataw ng mabigat na kaparusahan ang sambahayan ng Diyos.) Sabihin ninyo sa Akin, dapat bang magpataw ng mabigat na kaparusahan ang sambahayan ng Diyos? (Oo.) Bakit kailangan nitong gawin iyon? Bakit kailangan nitong magpataw ng mabigat na kaparusahan? (Ang paglulustay ng mga handog ay pag-uugali ng mga anticristo. Ang pag-uugali ng isang tao ukol sa mga handog ay sumasalamin sa kanyang saloobin sa Diyos. Kung kaya ng taong ito na maglustay ng mga handog, ipinakikita nitong ganap siyang walang may-takot-sa-Diyos na puso.) Isang aspekto pa lang nito ang iyong natalakay; may mahahalagang prinsipyo pa rin sa loob nito na kailangan nating pagbahaginan.
Sabihin ninyo sa Akin, bakit dapat paruhasan nang mahigpit ang mga taong naglulustay ng mga handog? Pagbabahaginan natin ito ngayon. Una, pag-usapan muna natin kung saan nagmumula ang mga handog sa Diyos. Alam ng lahat ng kapatid na ang mga handog sa Diyos ay ibinigay sa Diyos ng mga hinirang na tao ng Diyos. Ayon sa mga batas ng Bibliya, dapat magbigay ang mga tao ng ikapu ng kanilang kita, bagaman siyempre, sa panahon ngayon, maraming taong nagbibigay ng higit sa ikapu lamang, at may ilang mayamang nagbibigay nang higit sa ikapu. Bukod pa rito, para sa ilang naghihikahos na kapatid na nagbibigay ng ikapu, saan nanggagaling ang pera nila? Hindi nagkukulang ng mga taong nag-iipon nito sa matipid na pamumuhay. Sa kanayunan at probinsya, may ilang taong nakapagbibigay ng ikapu ng mga kinikita nila mula sa pagbebenta ng trigo, at ang ilan, mula sa pagbebenta ng mga itlog ng manok, at ang ilan, mula sa pagbebenta ng mga kambing at manok. Maraming taong namumuhay nang matipid upang makapagbigay ng ikapu o higit pa—doon nanggagaling ang perang ito. Alam ng karamihan na mahirap makuha ang perang ito. Kung gayon, bakit nagbibigay ang mga kapatid? Hinihingi ba ito ng sambahayan ng Diyos? Imposible bang maligtas ka kapag hindi ka nagbigay? Ito ba ay pagsunod sa mga batas ng Bibliya? O ito ba ay pagsuporta sa sambahayan ng Diyos sa gawain nito, sa pag-iisip na mahalaga ang gawain ng sambahayan ng Diyos at hindi ito magagawa nang walang pondo, kung kaya’t dapat silang magbigay nang higit pa? Ito lamang ba ang dahilan nila? (Hindi.) Kung gayon, bakit nagbibigay ang mga kapatid? Maaari kayang wala silang muwang? O may sobra silang pera? Nagbibigay ba sila ng sobrang pera, o perang hindi nila nagastos? Kanino ba ibinibigay ang mga donasyong ito? (Sa Diyos.) Bakit ba nagbibigay ang mga tao? Kalimutan na ninyo ang ibang bagay; ang pinakapangunahing dahilan kung bakit nagbibigay ang maraming tao ay dahil kinikilala nila ang gawain ng Diyos. Nagsasalita at gumagawa ang Diyos upang malayang mabigyan ng buhay at katotohanan ang mga tao, at upang akayin sila. Samakatuwid, dapat ihandog ng mga tao ang ikapu ng kanilang kita. Ito ang handog. Sa buong kasaysayan, pinagpala ng Diyos ang mga tao sa pamamagitan ng pagkain, tubig, at mga pangangailangan sa buhay, at inihanda Niya ang lahat ng bagay para sa kanila. Kapag natatamasa ng mga tao ang lahat ng ito, dapat silang maghandog ng ikapu ng ibinigay sa kanila ng Diyos pabalik sa dambana, na kumakatawan sa bahagi na ibinabalik ng mga tao sa Diyos, at na pinatatamasa sa Diyos ang ani nila. Ito ang katibayan ng pagmamahal na dapat taglayin at ialay ng mga tao bilang mga nilikha. Maliban sa aspektong ito, mayroon pang isa. Sinasabi ng ilang tao, “Napakadakila ng gawain ng Diyos, wala ako masyadong magagawa nang mag-isa, kaya magbibigay ako ng handog, ng bahagi ko.” Sa ganitong paraan, ipinakikita nila ang suporta nila para sa gawain ng sambahayan ng Diyos, at tumatayo sila bilang mga tagapagtaguyod. Anuman ang pinanggagalingan o halaga ng mga donasyong ito, hindi nagkukulang sa mga kabilang sa kanila na nakaiipon ng pera sa pamamagitan ng matipid na pamumuhay. Sa madaling salita, kung hindi dahil sa Diyos at sa Kanyang gawain, kung tanging ang iglesia at mga organisasyon at kapisanan ng mga tao ang narito, hindi magkakaroon ng halaga o kabuluhan ang mga donasyon ng mga tao, dahil walang anumang pakinabang ang mga ito kung wala ang gawain ng Diyos at Kanyang mga salita. Ngunit sa pagsasalita at pagkilos ng Diyos, sa pagsulong ng gawain ng Diyos upang iligtas ang sangkatauhan, nagiging lubhang mahalaga ang mga donasyon at handog na ito. Lubhang mahalaga ang mga iyon dahil ginagamit ang donasyong pera na ito para sa gawain ng iglesia, at hindi dapat ito nakawin, kamkamin, kurakutin, o lustayin pa nga ng mga taong may masasamang layunin. Hindi ba’t totoo ito? (Oo.) Yamang napakahalaga nito, ang bawat sentimo ay dapat magamit sa mga pangunahing aspekto; walang dapat na malustay o magastos nang iresponsable. Dahil dito, ang mga taong naglulustay, nangungurakot, nangangamkam, o nagnanakaw ng mga donasyon at handog ay dapat lubos na iwasto at parusahan. Dahil napakahalaga ng mga donasyon at handog na ito para sa gawain ng Diyos, at kung isasaalang-alang ang layon ng pagbibigay ng mga kapatid ng pera at mga handog na ito, dapat ilaan ang mga donasyong ito sa mga pinakakritikal na aspekto. Ang bawat sentimo ay dapat gamitin nang may mga prinsipyo at dapat magtamo ng mga resulta; hindi ito dapat lustayin, at talagang hindi ito dapat kamkamin ng masasamang tao. Ito ay isang aspekto. Dagdag pa rito, malaki man o maliit ang donasyon, galing ito sa donasyon ng mga kapatid. Hindi nanggagaling ang perang ito sa pagsasagawa ng iglesia ng mga komersyal na aktibidad, pagbubukas ng mga negosyo, o pagpapatakbo ng mga pabrika upang kumita mula sa lipunan. Hindi ito nanggagaling sa mga dibidendong kinita sa pamamagitan ng paglikha ng isang bagay; hindi ito nanggagaling sa mga dibidendo o kita ng iglesia, kundi sa mga donasyon ng mga tao. Sa madaling salita, ang isang donasyon ay isang bagay na ibinigay ng mga kapatid sa Diyos; ang perang ibinigay sa Diyos ay nararapat na maging pag-aari ng Diyos. Saan ba ginagamit ang pera ng Diyos? Sinasabi ng ilan, “Ang pera at mga handog sa Diyos ay ginagamit para sa pagtatamasa ng Diyos.” Ang lahat ba ng ito ay para matamasa ng Diyos? Gaano karami rito ang matatamasa ng Diyos? Limitadong-limitado lamang, hindi ba? Sa panahon ng pagkakatawang-tao ng Diyos, ang Kanyang pagkain, kasuotan, tirahan, at mga pangangailangan, pati na ang tatlong beses na pagkain Niya sa isang araw, ay karaniwan, at limitado lamang ang Kanyang tinatamasa. Siyempre, normal naman iyon. Ang pangunahing gamit ng mga donasyon at handog mula sa mga kapatid ay upang panatilihin ang normal na operasyon ng gawain ng iglesia, hindi upang tuparin ang pagnanais ng ilang taong gumastos. Ang mga handog ay hindi para gastusin ng mga tao, ni para gamitin ng mga tao. Hindi sa binibigyang-prayoridad ang sinumang namamahala sa pananalapi na gamitin ang perang ito, o na ang sinumang lider ay may espesyal na awtoridad sa paglalaan ng mga pondo. Sinumang gagamit ng mga donasyon ay dapat gamitin ang mga ito alinsunod sa mga prinsipyong itinakda ng sambahayan ng Diyos. Iyon ang prinsipyo. Kaya, ano ang kalikasan ng isang taong lumalabag sa prinsipyong ito? Hindi ba’t lumabag siya sa mga atas administratibo? (Oo.) Bakit sinasabing lumabag siya sa mga atas administratibo? Ang mga handog na ibinibigay ng mga tao sa Diyos ay nakalaan para tamasahin ng Diyos. Kaya paano ginagamit ng Diyos ang mga ito? Ginagamit ng Diyos ang mga ito para sa gawain ng iglesia, upang panatilihin ang normal na operasyon ng gawain nito. Ito ang prinsipyo kung paano ginagamit ng Diyos ang mga handog. Gayunpaman, hindi ginagamit ng mga anticristo at masasamang tao ang mga handog sa ganitong paraan. Nilulustay, inaaksaya, o walang-ingat nilang ibinibigay ang mga iyon, lantarang nilalabag ang prinsipyong ito upang gamitin ang mga handog. Hindi ba’t paglabag ito sa mga atas administratibo? Hinayaan ka ba ng Diyos na gamitin ang mga iyon sa ganitong paraan? Binigyan ka ba Niya ng karapatang gamitin ang mga iyon sa ganitong paraan? Sinabihan ka ba Niyang gamitin ang mga iyon sa ganitong paraan? Hindi ba’t hindi naman? Kung gayon, bakit ginagamit mo ang mga iyon sa ganitong paraan, nang masyadong walang ingat at maaksaya? Paglabag ito sa prinsipyo! Ang prinsipyong ito ay hindi pangkaraniwang prinsipyo; may kaugnayan ito sa mga atas administratibo. Dahil ang mga handog na ito ay hindi nakamit sa pagsasagawa ng negosyo o mga komersyal na aktibidad, kundi sa mga donasyong inihandog ng mga kapatid sa Diyos, ang bawat paggastos kung gayon ay dapat mahigpit na makontrol at masusing mapamahalaan. Hindi dapat magkaroon ng paglulustay o pag-aaksaya. Ang pag-aaksaya o paglulustay ng anumang halaga ng pera ay hindi lamang hahantong sa malalaking kawalan sa gawain ng sambahayan ng Diyos, kundi katumbas din ito ng malaking pinansiyal na kalugihan para sa sambahayan ng Diyos. Ang paglulustay ng mga handog ay hindi lamang paglulustay ng mga handog; nagpapakita rin ito ng kawalan ng pananagutan sa pagmamahal na ipinapahayag kapag nagbibigay ang mga kapatid. Samakatuwid, ang mga taong naglulustay ng mga handog ay kailangang lubhang maparusahan. Pagsabihan ang mga taong mas magagaan ang paglabag, at kasabay nito ay humingi ng bayad-pinsala. Para sa mga mas mabibigat ang paglabag, bukod sa pagbabayad-pinsala, dapat din silang paalisin o itiwalag. May isa pang pangunahing dahilan kung bakit dapat magpataw ng mabigat na kaparusahan sa mga taong naglulustay ng mga handog. Naiiba ang iglesia sa anumang organisasyong panlipunan. Nakabukod ito sa anumang bansa at anumang kapaligirang panlipunan, tinalikuran ng mundo at ng sangkatauhan. Bukod sa hindi nakatatanggap ang iglesia ng suporta o proteksyon mula sa anumang bansa, hindi rin ito nakakukuha ng anumang tulong o pinansyal na ayuda mula sa estado. Pinakamabuti na, sa mga Kanluraning bansa, matapos marehistro at maitatag ang isang iglesia, ang mga handog na ibinigay sa iglesia ay hindi kasama sa personal na pagbubuwis, at ang mga ibinigay na kagamitan ay magagamit upang makatanggap ng kaunting bawas sa buwis. Maliban dito, ang iglesia ay hindi makatatanggap ng anumang pinansiyal na ayuda o tulong mula sa anumang bansa o sa ilalim ng anumang sistemang panlipunan. Kung liliit ang kongregasyon ng iglesia at hindi na ito makapagpapatuloy sa operasyon, hindi ito tutulungan ng estado. Sa halip, mas gugustuhin ng estadong hayaan itong maglaho nang kusa, dahil ang iglesia ay walang anumang kinikita at hindi makapagbabayad ng anumang buwis dito. Kaya, hindi mahalaga sa estado kung umiiral man ang iglesia o hindi. Napagtatanto ng iglesia na ito ay nasa gayong kalagayan ng pag-iral sa ilalim ng anumang sistemang panlipunan. Sabihin ninyo sa Akin, madali ba ito? (Hindi ito madali.) Gayon nga, hindi talaga ito madali. Ang iglesia ay tinatanggihan ng lipunan at ng sangkatauhan, hindi nakatatanggap ng anumang pagkilala o simpatiya, lalong hindi ng suporta, mula sa anumang sistemang panlipunan. Umiiral ang iglesia sa ilalim ng mga kondisyon ng pag-iral na ito. Kung nagagawa pa rin ng isang taong maglustay ng mga handog, nagagawa pa ring maging walang puso, na nagtatapon ng pera, na hindi umaako ng anumang pananagutan, na umuubos ng halos isandaang libong yuan sa isang iglap, gumagastos ng halos isang milyong yuan na para bang isa lamang itong numero, nang walang pag-aatubili, nang hindi nakokonsensiya, sa palagay mo ba ay nagtataglay ng pagkatao ang gayong tao? Hindi ba’t karapat-dapat ang gayong mga tao sa mga sumpa? (Oo.) Bilang pagbubuod sa iba’t ibang sitwasyong itinala sa itaas, para sa mga naglulustay ng mga handog, nag-aaksaya ng mga iyon, o mayroon pa ngang masasamang layunin sa mga handog, na nagnanais nakawin ang mga iyon, o hindi man nangangahas na magnakaw, sa halip ay nilulustay ang mga iyon: Silang lahat ay dapat lubhang parusahan, hindi sila dapat pagbigyan nang kahit kaunti. Sabihin ninyo sa Akin, tama ba ang pamamaraang ito? (Oo.) Kung gayon, kung sa hinaharap ay mabigyan kayo ng pagkakataong magkaroon ng awtoridad na gumamit ng mga handog, paano kayo aasal? Kung hindi ninyo mapipigilan ang inyong mga sarili, kung lulustayin ninyo ang mga handog, kapag dumating na ang panahon na mabigat kayong parurusahan ng iglesia, magkakaroon ba kayo ng anumang reklamo o hinaing? (Hindi.) Mabuti na hindi kayo magkakaroon ng anumang hinaing. Iyon ang magiging nararapat para sa inyo!
Para naman sa mga taong naglulustay ng mga handog, hindi ba’t napopoot kayo sa kanila? Hindi ba’t nagagalit kayo dahil sa kanila? Nasusubaybayan o napipigilan mo ba sila? Mas pinatitindi nito ang mga bagay-bagay—oras na para masubok ka. Kung may isang tao sa paligid mo na naglulustay ng mga handog, at nagpupumilit na gumastos ng 20,000 yuan sa isang makinang mabibili sa halagang 2,000 yuan—isang taong gustong bumili ng pinakamaganda, pinakamataas ang kalidad, pinakamoderno, at pinakausong makina, isang taong gustong gumastos ng pera para sa pinakamahal na makina, dahil lamang sa pag-aari ng sambahayan ng Diyos ang pera at hindi galing sa sarili niyang bulsa—kaya mo ba siyang pigilan? Kung hindi mo siya kayang pigilan, mapaaalalahanan mo ba siya? Kaya mo ba siyang iulat sa mga nakatataas? Kung ikaw ang nangangasiwa sa pamamahala ng mga handog, kaya mo bang tumangging mag-apruba sa sitwasyong ito? Kung hindi ninyo kayang gawin ang alinman dito, dapat din kayong maparusahan nang mabigat. Naglulustay rin kayo ng mga handog; nakikipagsabwatan kayo sa masamang taong iyon, kasabwat niya kayo, at pareho kayong dapat na maparusahan nang mabigat. Ano ang uri ng saloobin ng isang tao sa Diyos kung kaya niyang maglustay at maging iresponsable sa mga handog? Nasa puso ba niya ang Diyos? (Hindi.) Sa opinyon Ko, pareho ang saloobin ng mga taong tulad nito sa saloobin ni Satanas. Sinasabi ng ilang tao, “Ang anumang bagay na may kaugnayan sa Diyos, sa pangalan ng Diyos, sa Kanyang mga handog, o sa Kanyang patotoo—hindi ako interesado sa alinman doon. Ano ang kinalaman ko sa mga taong naglulustay ng mga handog?” Anong uri sila ng tao? May mga partikular na lider at superbisor na nag-aapruba sa lahat ng bagay, anuman ang hinihiling ng iglesia na bilhin. Hindi nila kailanman kinukuwestyon ang mga aplikasyon, o sinusuri nang mabuti ang mga iyon, o tinitingnan kung may mga problema sa mga iyon; ang bawat aplikasyon ng pagbili ng mga gamit, mahal man o mura ang mga gamit, praktikal man o hindi praktikal, kinakailangan man o hindi kinakailangan—ang bawat isa ay naaaprubahan nang may pirma nila. Ano ba ang pag-aapruba mo? Isa lamang ba itong pirma? Sa Aking pananaw, ito ang saloobin mo sa Diyos. Ang saloobin mo sa mga handog sa Diyos ay ang saloobin mo sa Diyos. Ang bawat guhit ng iyong panulat, sa tuwing isusulat mo ang iyong pangalan, ito ay katibayan ng iyong kasalanan ng paglalapastangan at pambabastos sa Diyos. Bakit hindi dapat maparusahan nang mabigat ang mga taong lumalapastangan at nambabastos sa Diyos sa ganitong paraan? Dapat silang maparusahan nang mabigat! Tinutustusan ka ng Diyos ng katotohanan, ng buhay, ng lahat ng bagay na mayroon ka, pagkatapos ay hinaharap mo Siya at ang mga bagay na pagmamay-ari Niya nang may ganitong uri ng saloobin—anong klase ng tao ka? Ang bawat pirma sa isang resibo ay katibayan ng iyong kasalanan ng paglapastangan sa Diyos, at ng iyong walang-galang na saloobin sa Diyos; ito ang pinakamatibay na ebidensya. Anuman ang mga kagamitang binibili, anuman ang halaga, ni hindi mo tinitingnan ang dokumento ng pag-aapruba, pumipirma ka lang sa isang paghagod ng iyong panulat. Handa kang basta-bastang mag-apruba ng mga pagbili na nagkakahalaga ng 100,000 o 200,000 yuan. Balang araw, kakailanganin mong pagbayaran ang kapalit ng iyong pirma—ang sinumang pipirma ang siyang mananagot! Yamang ganito ka umasal, yamang kaya mong basta-bastang pumirma nang hindi man lang muna sinisiyasat ang mga aplikasyon, at hindi makatwirang lustayin ang mga handog, dapat mong panagutan at pagbayaran ang sarili mong mga kilos. Kung hindi ka natatakot na harapin ang mga kahihinatnan, sige, ilagda mo ang iyong pangalan. Kumakatawan ang iyong lagda sa saloobin mo sa Diyos. Kung kaya mong kumilos nang ganito kahit sa Diyos, tratuhin Siya nang ganito sa isang lantaran at garapal na paraan, paano mo inaasahang tratuhin ka ng Diyos? Naging sapat nang mapagpasensiya ang Diyos sa iyo, binigyan ka na Niya ng buhay, at pinayagan kang mabuhay hanggang ngayon. Sa halip na patuloy na tratuhin ang Diyos sa parehong paraan at nang may parehong saloobin, ang dapat mong gawin ay ang magtapat sa Diyos at magsisi, at baguhin ang iyong saloobin. Huwag mong ipagpatuloy ang pikit-matang pakikipaglaban sa Diyos. Kung ipagpapatuloy mo ang pagtrato sa Diyos sa parehong paraan at nang may parehong saloobin, alam mo na kung ano ang mga magiging kahihinatnan. Kung hindi mo makukuha ang kapatawaran ng Diyos, mawawalan ng kabuluhan ang iyong pananampalataya. Kung gayon ay ano na ang magiging saysay ng iyong pananampalataya? Sumasampalataya ka sa Diyos ngunit sinasayang mo ang tiwala Niya sa iyo at ang Kanyang atas para sa iyo. Sabihin mo sa Akin, anong klase ka ng tao? May ilang taong tumatayo bilang mga lider o superbisor sa sambahayan ng Diyos. Maraming taon na nilang ginampanan ang kanilang mga tungkulin, at masasabing maraming taon na Akong nakisalamuha sa kanila. Sa huli, humantong ako sa isang konklusyon tungkol sa kanila: Ang mga taong ito ay masahol pa sa mga aso. Bukod sa nakapanlulumo ang kanilang mga kilos, higit pa roon, kasuklam-suklam sila. Mahilig Akong magpalaki ng mga aso at makisalamuha sa mga iyon. Ang mga asong pinalaki Ko sa paglipas ng mga taon ay lumaking lahat nang maayos. Ang mga asong gusto Ko ay karaniwang hindi sadyang nagpapagalit ng mga tao. Kung pakikitaan mo ang isang aso ng kaunting kabutihan, ibabalik niya ito nang sampung ulit. Basta’t tunay kang mabuti rito, kahit pa maglagay ka ng diyaryo o isang pares ng sapatos sa bakuran, hihiga ito sa tabi ng mga iyon at babantayan ang mga iyon para sa iyo. Kung minsan, kung magtatapon ka ng isang bagay na hindi mo gusto, iisipin ng aso na naiwala mo iyon, at babantayan niya iyon para sa iyo nang hindi gumagala palayo. Pagkalipas ng ilang panahon, naibuod Ko ang natutuhan Ko at nasabing, “Ang mga tao ay masahol pa sa mga aso!” Ang mga aso ay nagbabantay ng mga bahay—ginagamit nila ang kanilang mga kakayahan at kasanayan upang bantayan nang mabuti ang iyong bahay. Ang mga tao ay wala man lamang mga puso, lalong hindi nila binabantayan nang mabuti ang mga bagay. Ni hindi sila magsasalita upang pag-ingatan ang gawain ng iglesia. Mas mababa pa sila sa isang bantay na aso! Ito ang natukoy Kong pagkakaiba ng mga tao sa mga aso. Ang mga taong ito na naglulustay ng mga handog ay mas mababa pa sa mga bantay na aso. Sumasang-ayon ba kayo na dapat silang maparusahan nang mabigat? (Oo.) Pinagkakatiwalaan ng Diyos ang mga tao, at ipinagkakatiwala sa kanila ang gawain at mga tungkulin. Ito ang pagtataas sa kanila ng Diyos at pagkakaroon Niya ng magandang pagtingin sa kanila. Hindi sa karapat-dapat silang gumanap sa gawaing iyon, o na may mahusay silang kakayahan at pagkatao, o na kaya nila ang trabaho. Gayunpaman, hindi nakikita ng mga tao ang pabor na ipinakikita sa kanila, palagi nilang iniisip na kaya nilang gawin ang gawain ng iglesia, na nakamit nila ito sa pamamagitan ng sarili nilang pagsisikap at mga paggugol. Ang lahat ng mayroon sila ay ibinigay sa kanila ng Diyos. Ano ba ang nakamit nila? Nagiging kampante ba sila sa mga nagawa nila? Itinataas ng Diyos ang mga tao upang gawin nila ang kanilang mga tungkulin, ngunit hindi nila nakikita ang pabor na ipinakikita sa kanila, o nauunawaan kung ano ang mabuti para sa kanila. Hindi sila nagiging karapat-dapat sa Kanyang tiwala at sa Kanyang pagtataas. Sinasayang nila ang tiwala ng Diyos at ang Kanyang pagtataas. Sa gayong mga sitwasyon, ikinalulungkot Ko, ngunit dapat silang maparusahan nang mabigat. Binibigyan ng Diyos ang mga tao ng mga pagkakataon, ngunit hindi alam ng mga tao kung ano ang mabuti para sa kanila, hindi nila alam kung paano pahalagahan ang mga pagkakataong ibinibigay sa kanila ng Diyos. Binibigyan Niya sila ng pagkakataon, ngunit hindi nila ito gusto. Inaakala nilang madaling kayan-kayanin ang Diyos, na mapagpatawad Siya, na hindi Niya makikita o malalaman kung ano ang nangyayari. Dahil dito, nangangahas silang imoral na maglustay ng mga handog, sinisira ang tiwala ng Diyos, hindi nagtataglay ng kahit na pinakapangunahing karakter at konsensiya ng tao. Bakit ba sumasampalataya pa rin sila? Hindi na dapat sila mag-abalang sumampalataya, dapat ay sambahin na lamang nila si Satanas. Hindi kailangan ng Diyos ang kanilang pagsamba. Hindi sila karapat-dapat!
Hindi ba’t halos sapat na nating napagbahaginan ang unang paksa ng pagbitiw sa mga propesyon—hindi pagkakawanggawa? Naunawaan na ba ninyo ang mga katotohanang prinsipyong nakapaloob sa paksang ito? Ano ang mga prinsipyo rito? (Ang mga prinsipyo ay na hindi pagkakawanggawa ang misyong ibinigay ng Diyos sa mga tao. Wala talaga itong kaugnayan sa pagsasagawa sa katotohanan o sa paghahangad sa kaligtasan. Kapag gumagawa ang isang tao ng ilang mabuting gawa, sumasalamin lamang ang mga iyon sa sarili niyang pag-uugali.) Walang kaugnayan ang pagkakawanggawa sa paghahangad sa katotohanan. Huwag kang magkamaling maniwalang sa pamamagitan ng pagkakawanggawa ay isinasagawa mo na ang katotohanan, o isa ka nang taong nagtamo ng kaligtasan. Isa itong ideyang maling-mali. Hindi kasama sa pagsasagawa ng katotohanan ang pagkakawanggawa, ni ang pagsasagawa ng gawaing pangkawanggawa. Ang layon ng pagsampalataya sa Diyos ay ang magtamo ng kaligtasan. Ang pagsampalataya sa Diyos ay hindi tungkol sa pag-iipon ng mga puntos o paggawa ng mabubuting gawa, hindi ito tungkol sa pagiging masaya sa paggawa ng mabubuting bagay o pilantropiya, ni hindi ito tungkol sa pagkakawanggawa. Walang kaugnayan ang pagsampalataya sa Diyos sa pagkakawanggawa; tungkol ito sa paghahangad sa katotohanan at pagtanggap sa pagliligtas ng Diyos. Kaya, ang mga ideya ng mga tao na ang pananampalataya sa Diyos ay tungkol sa pagkakawanggawa o pagsasagawa ng gawaing pangkawanggawa, o na ang pagkakawanggawa ay katumbas ng pagsampalataya sa Diyos at pagbibigay-lugod sa Kanya, ay maling-maling lahat. Anumang pagkakawanggawa ang pasukin mo, at anumang bagay na may kaugnayan sa kawanggawa ang gawin mo, personal lamang itong kumakatawan sa iyo. Mga paminsan-minsang kilos man ang mga iyon o isang bagay na isinasagawa mo bilang isang propesyon, sumasalamin lamang ang mga bagay na ito sa sarili mong mabuting pag-uugali. Maaaring may kaugnayan ang pag-uugaling ito sa isang relihiyon, sa gawi sa lipunan, o sa mga moral na pamantayan, ngunit wala talaga itong kaugnayan sa pagsampalataya sa Diyos at sa paghahangad sa katotohanan, o sa pagsunod sa daan ng Diyos, at wala talaga itong kinalaman sa Kanyang mga hinihingi. Ngunit gayunpaman, bakit hindi dapat magkawanggawa ang isang tao? Ang Diyos ay isang Diyos na nahahabag sa mga tao, na may habag at pag-ibig. Kinaaawaan Niya ang sangkatauhan, kaya bakit hindi inaalala ng Diyos ang mga mapagkawanggawang gawain ng mga tao? Bakit hindi nakakamit ng pagkakawanggawa ang pag-alala ng Diyos? Hindi ba’t isa itong problema? Ang pag-uutos ba na huwag magkawanggawa ang mga tao ay isang tanda na hindi iniibig ng Diyos ang sangkatauhan? Hindi ba’t sinasalungat nito ang awa na mayroon ang Diyos para sa sangkatauhan? (Hindi.) Bakit hindi? (Dahil may mga prinsipyo sa habag at pag-ibig ng Diyos, at ang Kanyang habag at pag-ibig ay nakatuon sa mga partikular na tao. Ipinagkakaloob Niya ang mga iyon sa mga taong tumatanggap sa katotohanan, nagsasagawa ng katotohanan, at tunay na nagsisisi. Para naman sa mga hindi mananampalatayang hindi kayang tumanggap sa katotohanan, hindi sila ang mga taong nilalayong iligtas ng Diyos.) May mga prinsipyo sa habag at pag-ibig ng Diyos, at ang Kanyang habag at pag-ibig ay nakatuon sa mga partikular na tao. Sige nga, ano pa? May kaugnayan ba ang pagkakawanggawa sa pagsampalataya sa Diyos? (Wala.) Kung gayon, sumasalungat ba ang pagkakawanggawa sa pagsampalataya sa Diyos? Kapag nakikibahagi sa anumang uri ng gawaing pangkawanggawa, hindi ba’t kailangang maglaan ng mga tao ng panahon, lakas, at maging ng pera? Kapag nagkawanggawa ka, hindi maaaring umayon ka lang dito nang hindi pinag-iisipan o isinasaalang-alang ang gawain. Kung ituturing mo talaga ito bilang isang propesyon, talagang kakailanganin mong maglaan ng panahon, lakas, at maging ng malalaking halaga ng pera. Sa sandaling makapaglaan ka na ng panahon, lakas, at pera, hindi ba’t matatali at makokontrol ka na ng gawaing pangkawanggawa na iyong inaasikaso? Magkakaroon ka pa ba ng lakas na hangarin ang katotohanan? Magkakaroon ka pa rin ba ng lakas na gawin ang iyong tungkulin? (Hindi.) Kapag naghangad ka ng anumang propesyon sa buhay, anumang propesyon ang iyong isagawa, kung gagawin mo ito nang full time, hindi mo maiiwasang ilaan at isakripisyo ang panghabambuhay mong lakas at ang iyong buong buhay. Dahil dito ay mawawala sa iyo ang iyong tahanan, ang iyong mga damdamin, ang mga kasiyahan ng iyong laman, at ang iyong panahon. Sa gayunding paraan, kung talagang ituturing mo ang kawanggawa bilang isang propesyon at isasakatuparan ito nang naaangkop, ang lahat ng panahon at lakas na mayroon ka ay matutuon dito. Limitado ang lakas ng isang tao. Kung nakokontrol ka ng gawaing pangkawanggawa, at gusto mong pantay at balanseng bigyang-pansin kapwa ang gawaing pangkawanggawa at ang iyong pananampalataya sa Diyos, at higit pa rito, nais mong gawin nang mabuti ang parehong bagay, hindi ito magiging isang madaling gawain. Kung nais mong balansehin nang sabay ang dalawang bagay na ito, ngunit hindi mo magawa, kakailanganin mong pumili. Kung pipili ka kung alin ang pananatilihin at alin ang bibitiwan, paano ka magpapasya? Hindi ba’t dapat na piliin mo ang pinakamakabuluhan at pinakamahalagang pagsisikap na dapat isakatuparan? Kung gayon, kung sabay na darating sa iyong buhay ang pagsampalataya sa Diyos at ang pagkakawanggawa, ano ang dapat mong piliin? (Dapat kong piliing sumampalataya sa Diyos.) Hindi ba’t pinipili ng karamihan sa mga tao ang sumampalataya sa Diyos? Dahil nakikita Kong pinili ninyong lahat iyon, hindi ba’t normal lang naman na hindi hinahayaan ng Diyos ang mga taong magkawanggawa? (Oo.) Marami nang natulungang bagay na may buhay at marami nang taong nabigyan ng panustos ang pagkakawanggawa, ngunit sa huli ay ano ang mapapala mo rito? Mabibigyang-lugod mo ang iyong banidad. Pagkakamit ba talaga ito ng isang bagay, at ito ba ang dapat mong makamit? Matutupad ang iyong mithiin, maipakikita ang iyong halaga, iyon na ‘yon—ngunit ito ba ang landas na dapat mong tahakin sa buhay? (Hindi.) Ano ang mapapala mo rito sa huli? (Wala.) Wala kang anumang mapapala. Pansamantalang mabibigyang-lugod ang iyong banidad, makatatanggap ka ng kaunting papuri mula sa iba, o mga medalya at parangal sa lipunan, ngunit iyon na ‘yon, at mauubos ang lahat ng iyong lakas at panahon. Ano ang mapapala mo? Karangalan, isang magandang reputasyon, at mga papuri—mga walang saysay na bagay ang lahat ng ito. Gayunpaman, ang mga katotohanang dapat na maintindihan ng mga tao at ang mga landas sa buhay na dapat nilang tahakin sa buhay na ito ay hindi mauunawaan o makakamit sa pamamagitan lamang ng pagkakawanggawa. Iba ang pananampalataya sa Diyos. Kung taos-puso mong ginugugol ang iyong sarili para sa Diyos at hinahangad ang katotohanan, magbubunga ng magaganda at mga positibong resulta ang mga paglalaan mo ng panahon at lakas. Kung alam at nauunawaan mo ang mga bagay na dapat na pinakanaiintindihan ng mga tao—kung paano dapat mamuhay ang mga tao, kung paano nila dapat sambahin ang Diyos, kung paano nila tingnan ang iba’t ibang usapin, kung ano-ano ang mga perspektiba at paninindigang dapat nilang taglayin kapag kumikilos sila, kung ano ang pinakatamang paraan ng pag-asal, at kung paano aasal sa paraang aalalahanin ng Lumikha, sa paraang nangangahulugang tinatahak ng isang tao ang tamang landas—kung gayon, ito ang wastong landas at tunay na pagtatamo ito ng isang bagay. Sa iyong buhay, marami kang makakamit na hindi matututuhan ng mga walang pananampalataya, mga bagay na dapat taglayin ng isang taong may humanidad. Ang mga bagay na ito ay mula sa Diyos, mula sa katotohanan, at magiging buhay mo ang mga ito. Mula rito, magiging isa kang tao na itinuturing ang katotohanan bilang kanyang buhay; hindi na magiging walang saysay ang iyong buhay, at hindi ka na magugulumihanan o matitinag. Hindi ba’t mas malalaki at mas mahahalagang pakinabang ang mga ito? Hindi ba’t mas mahalaga ang mga ito kaysa sa pagsasagawa ng kung anong gawaing pangkawanggawa upang sandaling bigyang-lugod ang iyong banidad? (Oo.) Ang mga pakinabang na ito na may kinalaman sa katotohanan, at ang landas na dapat tahakin ng mga tao, ang magkakaloob sa iyo ng bagong buhay. Walang bagay sa mundo ng tao ang makatutumbas sa bagong buhay na ito, at walang makapapalit dito. Siyempre, walang katumbas at walang hanggan ang bagong buhay na ito. Isa itong bagay na makakamit mo pagkatapos mong ilaan ang iyong panahon, lakas, at kabataan, pagkatapos mong magbayad ng partikular na halaga at magsakripisyo ng mga partikular na bagay. Hindi ba’t sulit ito? Talagang sulit ito. Ngunit ano ang mapapala mo kung magkakawanggawa ka? Wala kang anumang mapapala. Ang mga parangal at medalyang iyon ay hindi mga pakinabang. Ang pagsang-ayon at pagsuporta ng iba, ang pagsasabi ng ibang taong isa kang mabuting tao o isang dakilang pilantropo—maituturing bang mga pakinabang ang mga ito? (Hindi.) Ang lahat ng ito ay mga pansamantalang bagay, at madaling maglalaho ang mga ito sa paglipas ng panahon. Kapag hindi mo na mahawakan ang mga bagay na ito, kapag hindi mo na maramdaman ang mga ito, mapupuno ka ng pagsisisi, at sasabihin mo, “Ano ba ang nagawa ko sa buhay ko? Nag-alaga ako ng ilang pusa at aso, nag-ampon ng ilang ulila, tinulungan ang ilang mahirap na tao na magkaroon ng magagandang buhay, na makakain ng masasarap na pagkain at magkaroon ng magagandang damit na maisusuot, ngunit paano naman ako? Para saan ako nabuhay? Posible bang nabuhay ako para lamang sa kanila? Iyon ba ang misyon ko? Ito ba ang responsabilidad na ipinagkatiwala sa akin ng Langit? Ito ba ang obligasyong ibinigay sa akin ng Langit? Tiyak na hindi. Kung gayon, para saan ba nabubuhay ang isang tao sa buhay na ito? Saan ba nagmumula ang mga tao at saan ba sila napupunta sa hinaharap? Hindi ko nauunawaan ang mga pinakapundamental na usaping ito.” Kung kaya, pagdating mo sa yugtong ito, mararamdaman mong hindi mga pakinabang ang mga parangal na iyon, at na mga panlabas na bagay lamang ang mga iyon. Ito ay dahil ikaw pa rin ang parehong taong iyon kung hindi ka nasangkot sa pagkakawanggawa, dahil matapos magkawanggawa hanggang sa araw na iyon, magkamit ng lahat ng papuri at parangal na iyon—sa alinmang sitwasyon, hindi magbabago ang iyong panloob na buhay. Hindi mo pa rin alam ang mga bagay na hindi mo nauunawaan, maguguluhan at magugulumihanan ka pa rin. At sa sandaling iyon, bukod sa lalo kang magugulumihanan, at lalong malilito, lalo ka ring mababalisa. Sa puntong ito, magiging huli na ang lahat para sa pagsisisi. Lumipas na ang iyong buhay, naglaho na ang pinakamaiinam mong sandali, at napili mo na ang maling landas. Samakatuwid, bago mo pagpasyahang magkawanggawa, o kapag kasisimula mo pa lamang magkawanggawa, kung nais mong hangarin ang katotohanan at matamo ang kaligtasan, dapat mong bitiwan ang gayong mga ideya. Siyempre, dapat mo ring bitiwan ang lahat ng aktibidad na may kaugnayan sa gawaing ito at buong-pusong igugol ang iyong sarili sa landas ng pagsampalataya sa Diyos at paghahangad sa katotohanan. Sa huli, kahit na ang makamit mo ay hindi kasinlaki o kasingkongkreto ng una mong inakala, kahit papaano, hindi ka mapupuno ng pagsisisi. Kahit gaano pa kakaunti ang iyong makamit, higit pa rin ito sa matatanggap ng mga taong naggugol ng kanilang buong buhay sa relihiyon na sumasampalataya sa Panginoon. Isa iyong katunayan. Samakatuwid, habang pumipili ng propesyon, sa isang aspekto, kailangang bitiwan ng mga tao ang kanilang mga ideya at planong magkawanggawa. Sa isa pa, dapat din nilang itama ang kanilang mga kuru-kurong hinggil sa kanilang mga kaisipan. Hindi nila kailangang kainggitan ang mga tao sa lipunan na nagsasagawa ng gawaing pangkawanggawa, o isipin kung gaano kamapagkawanggawa, kadakila, karangal, at pagiging di-makasarili ang mga ito, at sabihing, “Tingnan ninyo kung gaano sila karangal at di-makasariling kumilos habang tumutulong sa ibang tao. Bakit hindi natin kayang maging di-makasarili? Bakit hindi natin magawa iyon?” Una, hindi mo sila kailangang kainggitan. Pangalawa, hindi mo kailangang punahin ang iyong sarili. Kung hindi sila pinili ng Diyos, may mga kanya-kanya silang misyon at paghahangad. Anuman ang kanilang hinahangad, katanyagan at kapakinabangan man ito, o pagtupad sa sarili nilang mga mithiin at hangarin, hindi mo kailangang alalahanin iyon. Ang dapat mong alalahanin ay kung ano ang dapat mong hangarin at kung anong uri ng landas ang dapat mong tahakin. Ang pinakapraktikal na usapin ay, yamang pinili ka ng Diyos, at pumasok ka na sa sambahayan ng Diyos, at isa kang miyembro ng iglesia, at higit pa rito, dahil kahanay mo ang mga taong gumaganap sa kanilang mga tungkulin, dapat mong pagnilayan kung paano mo tatahakin ang landas ng kaligtasan habang ginagawa ang iyong tungkulin, kung paano isasagawa ang katotohanan, kung paano ka makapapasok sa katotohanang realidad, at aabot sa punto kung saan tumimo na sa iyo ang mga salita ng Diyos at naging buhay mo na ito sa pamamagitan ng iyong mga paghahangad at ng iba’t ibang halagang iyong binabayaran. Sa hindi kalayuang hinaharap, kapag nagbalik-tanaw ka sa kalagayan mo noong una kang sumampalataya sa Diyos, malalaman mong nagbago na ang panloob mong buhay. Hindi ka na magiging isang taong nakabatay ang buhay sa kanyang mga tiwaling disposisyon. Hindi ka na magiging isang mapagmataas, ignorante, agresibo, at hangal na taong nag-iisip na walang makapapantay sa kanya, gaya ng dati. Sa halip, magiging bagong buhay mo na ang salita ng Diyos. Malalaman mo kung paano sundan ang daan ng Diyos, at malalaman mo kung paano tugunan ang lahat ng bagay na kahaharapin mo sa buhay alinsunod sa mga layunin ng Diyos, at alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo. Gugugulin mo ang bawat araw sa isang napakapraktikal na paraan, at magkakaroon ka ng tumpak na mithiin at direksyon sa lahat ng bagay na iyong gagawin. Malalaman mo kung ano ang dapat at hindi mo dapat gawin. Ang lahat ng bagay na ito ay magiging sinlinaw ng salamin sa iyong isipan. Ang iyong pang-araw-araw na buhay ay hindi magiging nakalilito, nakapapagod, o nakalulumbay. Sa halip, mapupuno ito ng liwanag, magkakaroon ito ng mga mithiin at ng direksyon. Kasabay niyon, gaganahan ang iyong puso. Madarama mong nagbago ka na, na nagtamo ka ng bagong buhay, at na naging isa ka nang taong nagawang buhay niya ang mga salita ng Diyos. Hindi ba’t mabuti ito? (Oo.) Tatapusin na natin dito ang ating pagbabahaginan tungkol sa hindi pagkakawanggawa, na unang prinsipyo sa paksa na pagbitiw sa mga propesyon.
Ano ang pangalawang prinsipyo ng paksang pagbitiw sa propesyon ng isang tao? Ang makontento sa pagkain at damit. Upang mabuhay sa lipunan, nagsasagawa ang mga tao ng iba’t ibang uri ng trabaho o hanapbuhay upang mapanatili ang kanilang mga kabuhayan, masigurong mayroon silang mapagkukunan at seguridad para sa kanilang pang-araw-araw na pagkain at panggastos. Dahil dito, kabilang man sila sa mas mabababang uri o sa bahagyang mas mataas na hanay, pinananatili ng mga tao ang kanilang mga kabuhayan sa pamamagitan ng iba’t ibang hanapbuhay. Yamang ang kanilang layon ay magpanatili ng kabuhayan, medyo simple lang ito: ang magkaroon ng lugar na matitirhan, makakain nang tatlong beses sa isang araw, makabili ng karne paminsan-minsan kung gusto nilang kumain ng karne, regular na makapasok sa trabaho, kumita, hindi magsuot ng sira-sirang damit o hindi kulangin sa pagkain—sapat na iyon. Ang mga iyon ang mga pangunahing pangangailangan ng mga tao sa buhay. Kapag nakukuha ng isang tao ang mga pangunahing pangangailangang ito, hindi ba’t medyo madali nang makuha ang pagkain at tirahan? Hindi ba’t nasa saklaw ito ng kanilang kakayahan? (Oo.) Kaya, kung ang kalikasan ng propesyon ng isang tao ay alang-alang lamang sa pagkain at tirahan, alang-alang sa kanilang kabuhayan, anumang propesyon ang kanilang kinabibilangan, basta’t legal ito, sa pangkalahatan ay aayon ito sa mga pamantayan ng pagkatao. Bakit Ko sinasabing umaayon ito sa mga pamantayan ng pagkatao? Dahil ang motibo, layunin, at hangarin mo sa likod ng pagsasagawa sa propesyong ito ay walang kinalaman sa anumang usapin o ideya maliban sa pagpapanatili ng mga kabuhayan—alang-alang lamang ito sa pagkakaroon ng sapat na makakain, pagkakaroon ng sapat na maayos na damit na masusuot, at pagsuporta sa iyong pamilya. Hindi ba’t totoo iyon? (Oo.) Ang mga ito ang mga pangunahing pangangailangan. Sa sandaling maibigay ang mga pangunahing pangangailangang ito, maaari nang magtamasa ang mga tao ng simpleng kalidad ng buhay. Kapag kaya nila itong makamit, kaya nilang magpanatili ng isang normal na pag-iral. Hindi ba’t sapat na para sa isang taong makapagpanatili ng isang normal na pag-iral? Hindi ba’t ito ang dapat makamit ng mga tao sa saklaw ng pagkatao? (Oo.) Ikaw ang responsable sa sarili mong buhay, pasan-pasan mo ito—isa itong kinakailangang pagpapamalas ng normal na pagkatao. Sapat at akma para sa iyong makamit ito. Gayunpaman, kung hindi ka kontento, habang ang isang normal na tao ay maaaring kumain ng karne nang isa o dalawang beses kada linggo, ipinagpipilitan mong kumain nito araw-araw, at maraming matira. Halimbawa, kung kumakain ka ng kalahati o isang libra ng karne araw-araw kapag sangkapat lang ang kailangan mo upang magpanatili ang wastong pisikal na kalusugan, ang labis na nutrisyong ito ay maaaring humantong sa karamdaman. Ano ba ang nagdudulot ng mga karamdamang gaya ng matabang atay, altapresyon, at mataas na kolesterol? (Ang labis na pagkain ng karne.) Ano ang problema sa labis na pagkain ng karne? Hindi ba’t dala ito ng kawalan ng kontrol sa kinakain ng isang tao? Hindi ba’t dala ito ng katakawan? (Oo.) Saan ba nanggagaling ang katakawang ito? Hindi ba’t dahil ito sa labis-labis na ganang kumain ng isang tao? Naaayon ba ang labis-labis na ganang kumain at katakawan sa mga pangangailangan ng normal na pagkatao? (Hindi.) Lumalabis ang mga iyon sa mga pangangailangan ng normal na pagkatao. Kung palagi kang nagnanais na lumabis sa mga pangangailangan ng normal na pagkatao, nangangahulugan itong kakailanganin mong mas magtrabaho, kumita ng mas maraming pera, at magtrabaho nang mas maraming beses kaysa sa mga normal na tao. Sa pamamagitan man ng pag-o-overtime o pagkuha ng maraming trabaho, kakailanganin mong kumita nang mas malaki para makayanan mong kumain ng karne nang tatlong beses sa isang araw at kahit kailan mo naisin. Hindi ba’t lagpas na ito sa saklaw ng normal na pagkatao? Mabuti bang lumagpas sa saklaw ng normal na pagkatao? (Hindi.) Bakit hindi ito mabuti? (Sa isang aspekto, madaling dapuan ng karamdaman ang mga katawan ng mga tao; sa isa pa, upang matugunan ang kanilang mga kagustuhan at ganang kumain, kailangan ng mga taong maglaan ng mas maraming panahon, lakas, at halaga sa kanilang trabaho. Kinakain nito ang panahon at lakas na puwede nilang gamitin upang hangarin ang katotohanan at gawin ang kanilang mga tungkulin, naaapektuhan kung paano nila tinatahak ang landas ng pagsampalataya sa Diyos at paghahangad sa katotohanan.) Ang mga tao ay dapat nang makontento sa pagkakaroon ng mga pangunahing pangangailangan, sa hindi pagkagutom at pagkaginaw, at sa pagkakaroon ng pagkain at tirahang kinakailangan para sa normal na pagkatao. Dapat kang kumita ng sapat na pera upang manatiling nakaayon sa mga normal na kinakailangan ng katawan para sa nutrisyon. Sapat na iyon, iyon ang uri ng buhay na dapat taglayin ng mga taong may normal na pagkatao. Kung palagi mong hinahangad ang mga kasiyahan ng laman, binibigyang-kasiyahan ang ganang kumain ng iyong laman nang hindi isinasaalang-alang ang iyong pisikal na kalusugan, at binabalewala ang tamang landas; kung palagi kang nagnanais na kumain ng masarap na pagkain, magtamasa ng magagandang bagay, magkaroon ng magandang kapaligiran ng pamumuhay at ng mataas na kalidad ng buhay, kumain ng mga pambihirang pagkain, magsuot ng mga damit na may tatak at ng ginto at pilak na alahas, tumira sa mga mansyon, at magmaneho ng mga mamahaling sasakyan—kung palagi mong ninanais na hangarin ito, anong uri ng hanapbuhay ang kailangan mong magkaroon? Kung kukuha ka lang ng pangkaraniwang trabaho upang matugunan ang mga pangunahing pangangailangan mo at mapunan ang pagkain at tirahan, matutupad ba niyon ang lahat ng pagnanais na ito? (Hindi.) Hindi talaga. Halimbawa, kung gusto mong magnegosyo, at ang isang maliit na negosyong may isa lamang puwesto ay kikita nang sapat para sa pagkain at tirahan ng iyong buong pamilya, maaaring mas kaunti ang pag-aari mo kaysa sa mga taong nasa itaas mo, ngunit mas marami naman ang pag-aari mo kaysa sa mga taong nasa ibaba. Nakakakain ka ng karne paminsan-minsan, at nakapagbibihis nang maayos ang iyong buong pamilya. Magagamit mo ang natitirang oras para sumampalataya sa Diyos, dumalo sa mga pagtitipon, at gumawa ng iyong mga tungkulin, at magkakaroon ka pa rin ng lakas na hangarin ang katotohanan. Sapat na ito. Dahil, batay sa pagkakaroon ng kasiguruhan ng iyong buhay, habang isinasagawa mo ang hanapbuhay na ito, magkakaroon ka ng libreng panahon at lakas upang hangarin ang pananampalataya sa Diyos at ang katotohanan. Naaayon ito sa mga layunin ng Diyos. Gayunpaman, kung kahit kailan ay hindi ka makokontento, palagi mong maiisip na, “May potensyal ang negosyong ito. Kaya kong kumita ng ganito kalaking pera kada buwan sa isang puwesto lang. Nagagawa nitong tustusan ang pagkain at tirahan ng aking pamilya. Kung mayroon akong dalawang puwesto, puwede kong madoble ang kita ko. Bukod sa magkakaroon na ng pagkain at tirahan ang aking pamilya, makaiipon din kami ng kaunting pera. Makakain namin ang anumang naisin namin at makapaglalakbay pa kami at makabibili ng ilang mamahaling gamit. Makakakain at makapagtatamasa kami ng mga bagay na hindi nakakain at natatamasa ng karamihan ng mga tao. Magiging napakaganda niyon. Magdaragdag nga ako ng isa pang puwesto!” Pagkatapos magdagdag ng isa pang puwesto, lalo kang yayaman; matitikman mo ang mga benepisyo at iisiping, “Mukhang napakalaki ng pamilihang ito. Puwede akong magdagdag ng isa pang puwesto, palawakin ang aking negosyo, at magpasok ng iba’t ibang paninda upang mas palawakin pa ito. Bukod sa makaiipon na ako ng pera, makabibili pa ako ng sasakyan at makalilipat sa mas malaking bahay. Makapaglalakbay ang buong pamilya ko kapwa sa loob at labas ng bansa!” Habang mas iniisip mo ito, lalo itong nagiging kaakit-akit. Sa puntong ito, desidido ka nang magdagdag ng isa pang puwesto. Lumalago nang lumalago ang negosyo, at lumalaki nang lumalaki ang perang kinikita mo, nadaragdagan ang iyong kasiyahan, ngunit nababawasan nang nababawasan ang mga pagtitipong pinupuntahan mo, mula sa mga lingguhang pagtitipon hanggang sa tuwing kinsenas o buwanan, at kalaunan, isang beses na lang kada anim na buwan. Iniisip mo sa iyong puso, “Lumago ang negosyo ko, kumita na ako ng malaking pera, sinusuportahan ko ang gawain ng sambahayan ng Diyos at nagbibigay ako ng malaking handog.” Nagmamaneho ka ng convertible, ang iyong asawa at mga anak ay napapalamutian ng ginto at diyamanteng alahas, nakasuot mula ulo hanggang paa ng kasuotang may tatak, at nakapaglakbay pa nga kayo sa ibang bansa. Iniisip mo, “Nakatutuwang magkaroon ng pera! Kung alam ko lang na ganito pala kadaling kumita ng pera, bakit hindi pa ako nagsimula nang mas maaga? Nakatutuwang magkaroon ng pera! Ang mga araw ng isang mayamang tao ay ginugugol nang may matinding kaginhawahan at katiwasayan! Kapag kumakain ako ng masasarap na pagkain, wala nang mas sasarap pa sa mga ito. Kapag nagsusuot ako ng mga kilalang tatak, natutuwa ako, at saanman ako magpunta, tinitingnan ako ng iba nang may inggit at pagseselos. Nakuha ko na ang paggalang at paghanga ng mga tao, at iba na ang pakiramdam ko, pakiramdam ko ay medyo mas taas-noo na ako.” Natupad na ang mga pagnanais ng iyong laman, pati na ang iyong banidad. Ngunit pakapal naman nang pakapal ang alikabok sa pabalat ng mga salita ng Diyos, matagal mo nang hindi binabasa ang mga iyon, at mas umikli na ang mga panalangin mo sa Diyos. Inilipat na ang mga pagtitipon sa ibang lugar, at ni hindi ka sigurado kung saan na idinaraos ang mga iyon ngayon. Ni hindi ka na nga nagpapakita paminsan-minsan sa iglesia. Sabihin mo sa Akin, paglapit ba ito sa kaligtasan o paglayo? (Paglayo.) Tumataas ang kalidad ng iyong buhay, nabubusog ang iyong katawan, at naging mas metikuloso ka na. Dati, ni hindi ka nagpapatingin sa doktor nang isang beses kada walong taon o isang dekada, ngunit ngayong mayaman ka na, nagpapatingin ka sa doktor kada anim na buwan upang malaman kung mayroon kang altapresyon, mataas na asukal sa dugo, o mataas na kolesterol. Sinasabi mo, “Kailangang alagaan ng isang tao ang kanyang katawan. Gaya ng sinasabi sa kasabihan, ‘Kung may dapat kang maging, huwag kang magkasakit. Kung may dapat kang hindi maging, huwag kang maging mahirap.’” Nagbago na ang iyong mga kaisipan at perspektiba, hindi ba? Ngayong mayaman ka na at hindi ka na pangkaraniwang tao, pakiramdam mo ay mahalaga ka, na marangal ang iyong pagkakakilanlan, at lalo mo pang pinahahalagahan ang iyong katawan. Nagbago na rin ang saloobin mo sa buhay. Dati, hindi ka nag-aabalang magpatingin sa doktor, iniisip mong, “Kaming mahihirap na tao, hindi namin kailangang alalahanin ang tungkol doon. Bakit ako dapat magpatingin sa doktor? Kung may malubha man akong karamdaman, hindi ko rin naman kayang magpagamot. Titiisin ko na lang ito, at kung hindi ko kayanin, palagay ko ay mamamatay na lang ang lamang ito. Maliit na bagay.” Ngunit iba na ngayon. Sinasabi mo, “Hindi dapat mabuhay ang mga tao nang may karamdaman. Kung may sakit sila, sino ang gagastos sa perang kinita nila? Hindi sila makapagsasaya sa buhay. Maikli lang ang buhay!” Iba na, hindi ba? Nagbago nang lahat ang iyong mga saloobin sa pera, sa buhay ng laman, at sa kasiyahan. Sa gayunding paraan, masyado nang naging malamig ang iyong mga saloobin sa pagsampalataya sa Diyos, sa paghahangad sa katotohanan, at sa pagtanggap sa kaligtasan.
Sa sandaling tahakin ng isang tao ang landas ng hindi pagkakontento sa pagkain at damit, hahangarin niya ang isang mas mataas na kalidad ng buhay at ang pagtamasa ng mas magagandang bagay. Isa itong tanda ng panganib, pagkahulog ito sa tukso, magdudulot ito ng problema, at isa itong masamang signos. Sa sandaling matamasa at maranasan ng isang tao ang pakiramdam ng kayamanan, magsisimula siyang mag-alala na isang araw ay mawawala ang pera niya at maghihirap siya. Ang resulta, labis niyang pinahahalagahan ngayon ang mga araw ng pagkakaroon ng pera at pinahahalagahan ang posisyon at katayuan ng pagiging mayaman. Madalas mong naririnig na sinasabi ng mga walang pananampalataya, “Ang paglipat sa tamis mula sa pait ay madali, ngunit ang paglipat sa pait mula sa tamis ay hindi.” Ibig sabihin nito, kapag walang-wala ka, ayos lang sa iyong bumitiw; kaya mong bumitiw bigla, dahil walang karapat-dapat na panghawakan. Ang mga salapi at materyal na pag-aaring ito ay hindi nagiging mga hadlang sa iyo, at madali para sa iyong bitiwan ang mga ito. Ngunit sa sandaling mapasaiyo ang mga bagay na ito, nagiging mahirap para sa iyong bitiwan ang mga ito, mas mahirap kaysa sa pag-akyat sa langit. Kung mahirap ka, kapag oras nang iwanan ang bahay mo at gawin ang iyong mga tungkulin, kaya mong agad na umalis. Gayunpaman, kung isa kang mayamang VIP, napupuno ng mga ideya ang iyong isipan at nasasabi mo, “Ay, ang bahay ko ay nagkakahalaga ng dalawang milyong yuan, ang sasakyan ko, nagkakahalaga ng limandaang libong yuan. Tapos, may mga pangmatagalang pag-aari, ipon sa bangko, stocks, pondo, pamumuhunan, at iba pang bagay, na sa kabuuan ay nagkakahalaga ng humigit-kumulang na sampung milyong yuan. Kung aalis ako, paano ko madadala ang lahat ng ito?” Hindi madali para sa iyong bitiwan ang mga materyal na pag-aaring ito. Iniisip mo, “Kung bibitiwan ko ang mga bagay na ito at iiwanan ang bahay na ito at ang kasalukuyan kong pamilya, magiging pareho ba ang kalagayan ng lugar na titirhan ko sa hinaharap? Matitiis ko bang tumira sa isang kubong yari sa putik o sa isang bahay na gawa sa dayami? Matitiis ko ba ang alingasaw ng kulungan ng baka? Sa ngayon, araw-araw akong nakaliligo sa mainit na tubig. Matitiis ko ba ang isang lugar kung saan ni hindi ako makapaligo sa mainit na tubig nang isang beses kada taon?” Dumarami ang mga iniisip mo, at hindi mo ito nakakayanan. Habang may pera ka, bumubunot ka ng dakot-dakot na pera upang bumili ng mga gamit, binibili mo ang anumang naisin mo nang walang pag-aatubili, masyado kang bukas-palad, at kailanman ay hindi ka natitisod sa pera. Ngunit kung isusuko mo ang lahat ng ito, mahihiya ka sa tuwing bubunot ka sa pitaka mo, iisipin mo kung ano ang mangyayari kung wala iyong laman. Kung gusto mong kumain ng isang mangkok ng mainit na mami, kakailanganin mong kuwentahin kung saang kainan ang pinakamura at kung ilang beses ka pang makakakain sa natitira mong pera. Kakailanganin mong sumunod sa isang mahigpit na budget, namumuhay gaya ng isang mahirap na tao. Matitiis mo ba iyon? Dati, kung dalawang beses mo nang nalabhan ang isang piraso ng kasuotan at nawala na ang korte nito, at mahihiya ka nang isuot ito sa labas, itatapon mo na ito at bibili ka na ng bago. Ngayon, paulit-ulit mong nilalabhan at isinusuot ang parehong kamiseta, at kahit pa mapunit ang kuwelyo nito, hindi mo ito maatim na itapon. Tatahiin mo ito at patuloy na susuotin. Matitiis mo ba iyon? Saan ka man magpunta, makikita ng mga tao na mahirap ka, at hindi nila nanaising makisalamuha sa iyo. Kapag namimili ka sa labas at itatanong mo ang presyo, walang papansin sa iyo. Matitiis mo ba iyon? Hindi ito isang madaling pakiramdam, hindi ba? Ngunit kung hindi ka nagkaroon ng mga salapi at materyal na pag-aaring ito, hindi mo kakailanganing bitiwan ang mga ito, at hindi mo kakailanganing harapin ang pagsubok na ito. Magiging mas madali pa para sa iyong talikuran ang lahat at hangarin ang katotohanan. Samakatuwid, matagal nang sinabi ng Diyos sa mga tao na dapat silang makontento sa pagkain at damit. Anumang hanapbuhay ang isagawa mo, huwag mo itong ituring na isang propesyon, at huwag mo itong tingnan bilang isang tuntungan o isang paraan upang maging prominente o magkamal ng kayamanan at mamuhay nang maginhawa. Anuman ang trabaho o propesyong iyong isagawa, sapat nang tingnan mo ito bilang isa lamang pamamaraan upang mapanatili ang iyong kabuhayan. Kung kaya nitong panatilihin ang iyong kabuhayan, dapat mong malaman kung kailan ka titigil at hindi na maghahangad ng mga kayamanan. Kung ang pagkita ng dalawang libong yuan kada buwan ay sapat na upang makabili ng pagkain mo nang tatlong beses sa isang araw at ng mga pangunahing pangangailangan sa buhay, dapat ka nang tumigil doon at huwag nang sumubok na palawakin ang saklaw ng iyong trabaho. Kung mayroon kang anumang espesyal na pangangailangan, puwede kang tumanggap ng karagdagang part-time na trabaho o ng isang pansamantalang trabaho upang makaraos—katanggap-tanggap iyon. Ito ang hinihingi ng Diyos sa mga tao: Anumang propesyon ang iyong isagawa, kailangan man nito ng kaalaman o ng anumang teknikal na kasanayan, o kung kailangan nito ng anumang pisikal na trabaho, basta’t makatwiran at legal ito, kaya mo ito, at mapananatili ng propesyong ito ang iyong kabuhayan, sapat na iyon. Huwag mong gawing batong tuntungan ang propesyong iyong isinasagawa upang matupad ang sarili mong mga mithiin at hangarin alang-alang sa pagbibigay-kasiyahan sa iyong buhay sa laman, sa gayon ay hinahayaan ang iyong sariling mahulog sa tukso o sa alanganin, o dinadala ang iyong sarili sa landas na walang balikan. Kung ang pagkita ng dalawang libong yuan kada buwan ay sapat na upang mapanatili ang iyong personal na buhay o ang buhay ng iyong pamilya, dapat mong ipagpatuloy ang trabahong iyon at gamitin ang natitirang panahon upang magsagawa ng pananampalataya sa Diyos, dumalo sa mga pagtitipon, gawin ang iyong mga tungkulin at maghangad sa katotohanan. Ito ang iyong misyon, ang halaga at kabuluhan ng buhay ng isang mananampalataya. At ang anumang propesyong isasagawa mo ay para lamang sa pagpapanatili sa mga pangunahing pisikal na pangangailangan ng isang normal na buhay ng tao. Hindi hihilingin ng Diyos na maging prominente ka, maging mahusay ka, o makagawa ka ng pangalan sa propesyon mo. Kung ang iyong propesyon ay may kaugnayan sa siyentipikong pananaliksik, mangangailangan ito ng malaking bahagi ng iyong lakas, ngunit hindi pa rin nababago ang prinsipyo ng pagsasagawa—makontento sa pagkain at damit. Kung ang iyong propesyon ay mag-aalok sa iyo ng mga pagkakataong makakuha ng promosyon at ng malaking kita batay sa iyong mga abilidad, at lalagpas ang kitang ito sa saklaw ng pagkakontento sa pagkain at damit, ano ang dapat mong piliing gawin? (Tanggihan ang alok.) Ang prinsipyong dapat mong sundin ay ang ipinaalala ng Diyos—makontento sa pagkain at damit. Anumang propesyon ang iyong isinasagawa, kung lumalagpas ito sa saklaw ng pagkakontento sa pagkain at damit, tiyak na maglalaan ka ng lakas, panahon, o mga halagang hindi saklaw ng mga pangunahing pangangailangan upang makuha ang karagdagang kitang iyon. Halimbawa, maaaring kasalukuyan kang isang empleyadong mababa ang posisyon na kumikita nang sapat upang matustusan ang iyong mga pangunahing pangangailangan, ngunit dahil sa iyong magandang pagganap sa trabaho, gusto ng mga nakatataas sa iyo na itaas ang posisyon mo sa isang posisyon ng pamamahala o sa ganito at ganyang mataas na katungkulang ang kita ay ilang beses na mas mataas. Nakukuha ba ang kitang ito para sa wala? Kapag lumalaki ang kita mo, nadaragdagan din ang kaukulang dami ng trabahong iyong iginugugol. Hindi ba’t nangangailangan ng lakas at panahon ang paglalaan ng pagsisikap? Katumbas ito ng pagsasabing nakukuha ang perang iyong kinikita sa pamamagitan ng pakikipagpalit ng malaking bahagi ng iyong lakas at panahon. Upang kumita ng mas maraming pera, kailangan mong maglaan ng mas marami sa iyong panahon at lakas. Habang kumikita ka ng mas maraming pera, isang malaking bahagi ng iyong panahon at lakas ang nagagamit, at kasabay niyon, ang panahong inilalaan mo sa iyong pananampalataya sa Diyos, sa pagdalo sa mga pagtitipon, sa paggawa ng mga tungkulin, at sa paghahangad sa katotohanan, ay proporsyonal na nababawasan. Isa itong simpleng katunayan. Kapag nakalaan ang iyong lakas at panahon sa pagkakamal ng kayamanan, hindi mo nakukuha ang mga gantimpala ng iyong pananampalataya sa Diyos. Hindi ka tatratuhin nang maganda ng Diyos, hindi rin pupunuan sa iyo ng Kanyang sambahayan ang mga bagay na hindi mo nalaman dahil lamang sa naitaas ang posisyon mo at nagagamit na ngayon ang isang malaking bahagi ng iyong panahon at lakas, na nagdudulot sa iyong mawalan ng panahong gumawa ng iyong mga tungkulin o dumalo sa mga pagtitipon sa sambahayan ng Diyos. Ito ba ang uri ng bagay na nangyayari? (Hindi.) Hindi ka pupunuan ng sambahayan ng Diyos o hahayaang magkaroon ng espesyal na pagtrato, at hindi ka tatratuhin nang maganda ng Diyos dahil dito. Sa madaling salita, kung nais mong magkaroon ng mga gantimpala para sa iyong pananampalataya sa Diyos, kung nais mong matamo ang katotohanan, nakasalalay ito sa sarili mong mga pagsisikap na magkaroon ng panahon at lakas. Isa itong usapin ng pagpapasya. Hindi ka pinagbabawalan ng Diyos na magpanatili ng normal na buhay. Sapat na ang iyong kita upang mabayaran ang pagkain at tirahan, pinananatili ang pag-iral ng iyong katawan at ang mga aktibidad ng iyong buhay. Sapat na ito upang matustusan ang patuloy mong pag-iral. Ngunit hindi ka kontento; palagi mong ninanais na kumita nang mas malaki. Pagkatapos ay maaagaw ng halaga ng salaping ito ang iyong lakas at panahon. Para saan inaagaw ang mga iyon? Upang mapataas ang kalidad ng iyong pisikal na buhay. Habang pinatataas mo ang kalidad ng iyong pisikal na buhay, nababawasan ang natatamo mo mula sa pagsampalataya sa Diyos, at nawawala ang panahon mo para sa paggawa ng mga tungkulin, okupado na ito. Ano ang umookupa rito? Okupado ito sa paghahangad ng magandang pisikal na buhay, ng pisikal na kasiyahan. Sulit ba ito? (Hindi.) Kung mahusay kang magtimbang ng mga pakinabang at kalugihan, alam mong hindi ito sulit. Nagkakamit ka ng kasiyahan sa iyong pisikal na buhay, nakakakain ka ng mas masasarap na pagkain at napananatiling busog ang iyong tiyan; nagbibihis ka nang maayos, sunod sa uso at komportable. Nagkakaroon ka ng ilan pang gamit na kilala ang tatak at mamahaling bagay, ngunit ang iyong trabaho ay nakapapagod, mas mahirap, at nakauubos ng panahon at lakas mo. Bilang isang mananampalataya, wala ka nang oras na dumalo sa mga pagtitipon o makinig sa mga sermon. Wala ka na ring panahong pagnilayan ang katotohahan at ang mga salita ng Diyos. Marami ka pang katotohanang hindi nauunawaan at hindi nalalaman, ngunit wala kang panahon at lakas na pagnilayan at hanapin ang mga iyon. Gumaganda ang iyong pisikal na buhay, ngunit hindi lumalago ang iyong espirituwal na buhay, at nahaharap ito sa panghihina. Isa ba itong pakinabang o kalugihan? (Isang kalugihan.) Napakalaki ng kalugihang ito! Kailangan mong timbangin ang mga pakinabang at kalugihan! Kung isa kang mautak na taong tunay na nagmamahal sa katotohanan, dapat mong timbangin ang magkabilang panig at tingnan kung ano ang pinakamahalaga at pinakamakabuluhang bagay na makakamit mo. Kung darating ang promosyon, at may pagkakataon kang kumita ng mas maraming pera at magkaloob ng mas magandang pisikal na buhay para sa sarili mo, ano ang dapat mong piliin? Kung handa kang hangarin ang katotohanan at mayroon kang determinasyong hangarin ang katotohanan, dapat mong palampasin ang gayong mga pagkakataon. Halimbawa, ipagpalagay mong sasabihin ng isang tao sa iyong kompanya na, “Sampung taon mo nang ginagawa ang trabahong ito. Karamihan sa mga tao sa kompanya ay tumataas ang mga suweldo at nakatatanggap ng mga promosyon sa loob ng tatlo hanggang limang taon. Ngunit pareho pa rin sa dati ang sahod mo. Bakit hindi ka magtrabaho nang mabuti? Bakit hindi mo ginagalingan ang iyong pagganap? Tingnan mo si ganito at si ganyan, tatlong taon na siyang nandito, at ngayon ay nagmamaneho na siya ng convertible at nakatira na sa mas malaking bahay: Mula sa maliit na bahay ay lumipat na siya sa mas malaking bahay. Noong dumating siya, isa lamang siyang mahirap na estudyante. Ngayon, isa na siyang mayamang babae, na nagsusuot nang may tatak na mga damit mula ulo hanggang paa, tumutuloy sa mga mamahaling hotel, tumitira sa isang mansyon, at nagmamaneho ng isang mamahaling sasakyan.” Kapag nakita mo kung gaano siyang nakaririwasa, hindi ba’t magsisimula kang makaramdam ng paghahangad? Hindi ba’t sasama ang loob mo? Mapaglalabanan mo ba ang gayong mga tukso? Paninindigan mo pa rin ba ang orihinal mong layunin? Panghahawakan mo ba ang mga prinsipyo? Kung tunay mong minamahal ang katotohanan, handa kang hangarin ang katotohanan, at naniniwala kang ang pagkamit ng isang bagay sa katotohanan ay ang pinakamahalagang bagay, ang pinakamakabuluhang bagay sa iyong buhay, at na pinili mo ang pinakamahalaga at pinakamakabuluhang bagay sa iyong buhay, hindi mo ito pagsisisihan, at hindi ka maiimpluwensyahan ng mga bagay na tulad ng mga promosyon. Magpupursige ka, sasabihin mong, “Kontento na ako sa pagkain at damit; anumang hanapbuhay ang papasukin ko, alang-alang ito sa pagkain at tirahan, upang hayaan ang katawan kong patuloy na mabuhay, hindi para sa kasiyahan ng katawan, at talagang hindi para sa pagiging prominente. Hindi ko hinahangad ang mga promosyon o matataas na suweldo; gagamitin ko ang limitadong buhay ko upang hangarin ang katotohanan.” Kung taglay mo ang determinasyong ito, hindi ka matitinag, at hindi maghahangad ang iyong puso; kapag nakita mong tumataas ang posisyon ng iba, tumataas ang mga suweldo, o nagsusuot ng ginto at pilak na alahas at mga may tatak na damit, nagtatamasa ng mas mataas na kalidad ng buhay kaysa sa iyo, at nahihigitan ka sa porma, hindi ka maiinggit. Hindi ba’t totoo iyon? (Oo.) Gayunpaman, kung hindi mo minamahal at hinahangad ang katotohanan, hindi mo mapipigilan ang iyong sarili, at hindi ka makapagpupursige nang matagal. Sa gayong pagkakataon at sa gayong kapaligiran, kung hindi ang katotohanan ang buhay ng mga tao, kung wala silang kaunting determinasyon, kung wala silang tunay na kabatiran, madalas silang mag-uurong-sulong at manghihina. Pagkatapos magpursige sa loob ng ilang panahon, manlulumo pa nga sila at iisiping, “Kailan ba matatapos ang mga araw na ito? Kung hindi darating ang araw ng Diyos, hanggang kailan pa ba ako mananatiling utusan sa kompanya? Ang iba ay kumikita nang mas malaki kaysa sa akin. Bakit pagkain at tirahan lang ang napapanatili ko? Hindi sinasabi sa akin ng Diyos na kumita ng mas malaking pera.” Sino ang pumipigil sa iyong kumita ng mas malaking pera? Kung may abilidad ka, puwede kang kumita nang mas malaki. Kung pipiliin mong kumita ng mas maraming pera, magkaroon ng mayamang pamumuhay, at magtamasa ng pamumuhay nang marangya, ayos lang iyon; walang pumipigil sa iyo. Gayunpaman, kailangan mong maging responsable sa sarili mong mga pagpapasya. Sa huli, kung hindi mo matatamo ang katotohanan, kung ang mga salita ng Diyos ay hindi naging buhay sa loob mo, ikaw lang ang magsisisi dahil dito. Kailangan mong maging responsable para sa sarili mong mga kilos at pagpapasya. Walang sinumang magbabayad ng halaga o mananagot para sa iyo. Yamang pinili mong sumampalataya sa Diyos, tumahak sa landas ng kaligtasan, at maghangad sa katotohanan, huwag mo itong pagsisihan. Yamang ito ang pinili mo, hindi mo ito dapat tingnan bilang isang panuntunan o kautusang dapat sundin; bagkus, dapat mong maunawaang may kabuluhan at halaga ang iyong pagpupursige at mga pagpapasya. Sa huli, ang matatamo mo ay ang katotohanan at buhay, hindi lamang isang panuntunan. Kung ang iyong pagpupursige at mga pagpapasya ay magdudulot sa iyong labis na mahiya, maasiwa, o hindi makaharap sa mga tao sa paligid mo, huwag mo nang ipagpatuloy ang pagpupursige. Bakit mo pahihirapan ang sarili mo? Anuman ang nais mo sa iyong puso, anuman ang gusto mo, hangarin mo ang bagay na iyon—walang pumipigil sa iyo. Sa ngayon, ang pagbabahaginan natin nang ganito ay nagbibigay lamang sa iyo ng prinsipyo. Sa mundo, ang bawat propesyong isinasagawa ng mga tao ay nauugnay sa katanyagan, pakinabang, at pisikal na kasiyahan. Ang dahilan kung bakit kumikita ang mga tao ng mas maraming pera ay hindi upang makamit ang isang partikular na halaga, kundi upang mapabuti ang kanilang pisikal na kasiyahan sa pamamagitan ng pagkita ng perang iyon, at para rin maging mayayamang taong kilala ng publiko. Sa ganitong paraan, magkakaroon sila ng katanyagan, pakinabang, at posisyon, na pawang lumalagpas sa saklaw ng mga pangunahing pangangailangan. Ang anumang halagang binabayaran ng mga tao ay para sa pisikal na kasiyahan, wala sa mga ito ang may kabuluhan; ang lahat ng ito ay walang saysay, tulad ng isang panaginip. Ang napapala nila sa huli ay pawang kahungkagan. Ngayong araw na ito ay maaaring dumpling ang kainin mo at masarapan ka rito, ngunit pagkatapos mag-isip-isip nang mabuti, malalaman mong wala kang nakamit. Kung araw-araw mo itong kakainin, maaari mo itong pagsawaan, itigil ang pagkain dito, at palitan ng iba, gaya ng mga bibingka, kanin, o pancake. Ganito mo ibinabagay ang iyong sarili, at nagiging mas malusog ang iyong pisikal na pangangatawan. Kung araw-araw kang kakain ng malilinamnam na pagkain, maaaring hindi maging malusog ang iyong katawan, hindi ba?
Ang pagkakontento sa pagkain at damit, ito ba ang tamang landas? (Tama ito.) Bakit ito tama? Ang halaga ba ng buhay ng isang tao ay tungkol sa pagkain at damit? (Hindi.) Kung ang halaga ng buhay ng isang tao ay hindi tungkol sa pagkain at damit o sa kasiyahan ng laman, dapat ay matugunan lamang ng propesyong isasagawa ng isang tao ang pangangailangan sa pagkain at damit; hindi dapat iyon lumagpas sa saklaw na ito. Ano ang layon sa likod ng pagkakaroon ng pagkain at damit? Ang masigurong iiral nang normal ang katawan. Ano ba ang layon ng pag-iral? Hindi ito alang-alang sa kasiyahan ng laman, ni alang-alang sa pagsasaya sa takbo ng buhay, at talagang hindi ito alang-alang sa pagtamasa sa lahat ng bagay na nararanasan ng mga tao sa buhay. Hindi mahalaga ang lahat ng ito. Kung gayon, ano ang pinakamahalaga? Ano ang pinakamakabuluhang bagay na dapat gawin ng isang tao? (Dapat na tahakin ng isang tao ang landas ng pagsampalataya sa Diyos at paghangad sa katotohanan, at pagkatapos ay tuparin ang sarili niyang mga tungkulin.) Anumang uri ka ng tao, isa kang nilikha. Dapat na gawin ng mga nilikha ang layon nilang gawin—ito ang may halaga. Kaya, ano ba ang ginagawa ng mga nilikha na may halaga? Ang bawat nilikha ay may misyong ipinagkatiwala sa kanya ng Lumikha, isang misyong layon niyang tuparin. Itinakda na ng Diyos ang tadhana ng buhay ng bawat tao. Anuman ang tadhana ng kanyang buhay, iyon ang dapat niyang gawin. Kung gagawin mo ito nang mabuti, kapag humarap ka sa Diyos upang magbigay-sulit, magbibigay ang Diyos ng kasiya-siyang sagot. Sasabihin Niyang iginugol mo nang makabuluhan at produktibo ang iyong buhay, na ginawa mong buhay mo ang mga salita ng Diyos, at na isa kang kwalipikadong nilikha. Gayunpaman, kung ang buhay mo ay tungkol lamang sa pamumuhay, pagsisikap, at paglalaan alang-alang sa pagkain, damit, kasiyahan, at kaligayahan, kapag sa wakas ay humarap ka na Diyos, itatanong Niya, “Gaano mo natupad ang gawain at misyon ng buhay na ito na ibinigay Ko sa iyo?” Susumahin mo iyong lahat at malalaman mong iginugol ang lakas at panahon ng buhay na ito sa pagkain, damit, at kasiyahan. Mukhang wala kang masyadong nagawa sa iyong pananampalataya sa Diyos, hindi mo natupad ang iyong tungkulin, hindi ka nakapagpursige hanggang sa huli, at hindi mo naisakatuparan ang iyong debosyon. Tungkol naman sa paghahangad sa katotohanan, bagaman nagkaroon ka ng kaunting kagustuhang hangarin ito, wala ka masyadong naisakripisyo, at wala kang anumang natamo. Sa huling pagsubok, hindi mo naging buhay ang mga salita ng Diyos, at ikaw pa rin ang dating Satanas. Ang mga pamamaraan mo ng pagtingin sa mga bagay-bagay at ng pagkilos ay nakabatay lahat sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, at sa tiwaling disposisyon ni Satanas. Ganap ka pa ring laban sa Diyos, at di-kaayon sa Kanya. Kung gayon, mawawalan ka ng pakinabang, at hindi ka na gugustuhin ng Diyos. Magmula sa puntong ito, hindi ka na magiging nilikha ng Diyos. Kaawa-awang bagay iyon! Samakatuwid, anumang propesyon ang iyong isagawa, basta’t legal ito, isinaayos at itinadhana ito ng Diyos. Ngunit hindi iyon nangangahulugang sinusuportahan o hinihikayat ka ng Diyos na kumita ng mas malaking pera o maging prominente sa propesyong pinili mo. Hindi ito sinasang-ayunan ng Diyos, at kailanman ay hindi Niya ito hiningi sa iyo. Isa pa, hinding-hindi gagamitin ng Diyos ang propesyong iyong isinasagawa upang itulak ka sa mundo, ibigay ka kay Satanas, o payagan kang mapagmatigas na maghangad ng katanyagan at kayamanan. Sa halip, sa pamamagitan ng propesyong isinasagawa mo, binibigyang-daan ka ng Diyos na matugunan mo ang iyong mga pangangailangan sa pagkain at tirahan—iyon lang. Dagdag pa rito, sa mga salita ng Diyos ay sinabi na Niya sa iyo ang mga bagay na tulad ng kung ano ang iyong tungkulin, ano ang iyong misyon, ano ang dapat mong hangarin, at ano ang dapat mong isabuhay. Ang mga ito ang mga ugaling dapat mong isabuhay at ang landas na dapat mong tahakin sa buong buhay mo. Matapos magsalita ng Diyos at iyong maunawaan ang Kanyang sinabi, ano ang dapat mong gawin? Kung sapat na ang pagtatrabaho nang tatlong araw sa isang linggo upang matugunan ang mga pangangailangan mo sa pagkain at tirahan, ngunit pinipili mo pa ring magtrabaho sa ibang mga araw, hindi mo magagawa ang iyong tungkulin. Kapag kinakailangan ang iyong pakikipagtulungan sa isang tungkulin, sinasabi mo, “Nasa trabaho ako, nandito ako sa opisina ko,” at kapag sinusubukang makipag-ugnayan sa iyo ng isang tao, palagi mong sinasabing wala kang oras. Kailan ka ba may oras? Pagkalipas lang ng ikawalo ng gabi, kapag patang-pata, pagod, at lupaypay ka na, may kagustuhan ka ngunit wala ka nang lakas. Nagtatrabaho ka sa anim na araw ng isang linggo, at sa tuwing may sumusubok na makipag-ugnayan sa iyo sa telepono, palagi mong sinasabing wala kang oras. Tuwing Linggo ka lang may panahon, at kahit doon ay kailangan mong gumugol ng panahon kasama ang iyong pamilya at mga anak, gumawa ng mga gawaing-bahay, at muling mag-ipon ng lakas at sandaliang magpahinga. May ilang tao pa ngang nagbabakasyon, gumugugol ng ilang panahon sa mga gawaing mapaglilibangan, at gumagastos ng pera at namimili ng mga gamit. May ilang taong nagpapatibay ng mga ugnayan nila sa mga katrabaho, at bumubuo ng mga koneksyon sa mga lider at nakatataas. Anong uri ng paniniwala ito? Isa talaga itong hindi mananampalataya; ano ang punto ng pakikiisa sa pormalidad? Huwag mong sabihing sumasampalataya ka sa Diyos; wala kang ugnayan sa mga mananampalataya ng Diyos. Hindi ka nabibilang sa iglesia; sa pinakamaganda na, isa ka lamang kaibigan ng iglesia. Kailangan ng sambahayan ng Diyos ng isang taong mangangasiwa sa mga panlabas na aktibidad, at maaaring pumayag kang tumulong, ngunit iyon ay dahil lamang sa hindi ka tumatanggi. Kung kaya mo bang gampanan ang iyong posisyon, o kung kailan mo ito magagampanan ay hindi alam. At pagkatapos mong dumating sa iyong puwesto, kung maibibigay mo ba rito ang lahat ng oras mo, at ang buong puso mo, at lakas mo ay hindi tiyak—walang nakaaalam sa lahat ng ito. Sino ang nakaaalam kung kailan ka magiging labis na abala sa trabaho, o maglalakbay para sa trabaho, at maglalahong parang bula sa loob ng dalawang linggo o isang buwan—walang makahagilap sa iyo. Hindi na ito tunay na pananampalataya, isa na lamang itong pormalidad. Pagdating sa mga taong tulad nito, dapat na mabawi ang mga aklat nila ng mga salita ng Diyos, at dapat silang mapaalis at masabihang, “Kung hindi mo kayang bitiwan ang trabaho mo, kung wala kang panahon para sa mga pagtitipon, at hindi mo kayang gawin ang iyong tungkulin, hindi ka pipilitin ng sambahayan ng Diyos. Maghiwalay na tayo rito. Kapag kaya mo nang makontento sa pagkakaroon lang ng pagkain at damit, kapag kaya mo nang isuko ang iyong mga kahilingan para sa mataas na kalidad ng buhay, at maglaan ng mas maraming oras sa paggawa sa iyong tungkulin, pormal ka naming tatanggapin sa kawan at ituturing na miyembro ng iglesia. Kung hindi mo ito magagawa, at magpapakita ka lang, tutulong, at bubuo ng mabababaw na ugnayan sa mga kapatid sa iyong libreng oras, hindi iyon maituturing na paggampan sa iyong tungkulin bilang isang nilikha, at talagang hindi iyon maituturing na pormal na pagsampalataya sa Diyos.” Ano ang tawag natin sa mga taong tulad nito? (Mga kaibigan ng iglesia.) Mga kaibigan ng iglesia, mabubuting kaibigan ng iglesia. “Sapagka’t ang hindi laban sa atin ay sumasa atin” (Marcos 9:40). Samakatuwid, ang mga ganitong uri ng tao ay tinatawag na mga kaibigan ng iglesia. Ang pagtawag sa isang tao bilang kaibigan ng iglesia ay nagpapahiwatig na nasa yugto pa rin ng pag-oobserba sa kanya, hindi pa siya pormal na mananampalataya ng Diyos, hindi siya itinuturing na kasama sa mga miyembro ng iglesia, ni itinuturing na taong gumagawa ng tungkulin; sa pinakamaganda na, kailangan pa rin siyang maobserbahan, dahil hindi pa rin malinaw kung kaya ba niyang gawin ang kanyang tungkulin. Gayunpaman, may ilang tao na dahil sa mga limitasyong inilalagay sa kanila ng kapaligiran o mga kondisyon ng pamilya ay kailangang magtrabaho nang ilang araw sa isang linggo upang matugunan ang pagkakaroon ng kita at matustusan ang mga anak nila. Hindi tayo magdidikta sa kanila. Kung kaya nilang gawin ang kanilang mga tungkulin sa nalalabi nilang oras, maituturing silang mga miyembro ng sambahayan ng Diyos, bilang pormal na sumasampalataya sa Diyos, dahil natupad na nila ang pangunahing kondisyon ng pagkakontento sa pagkain at damit. May mga obhetibong paghihirap sila, at kung hahadlangan mo silang magtrabaho, mawawalan ng paraang makakuha ng panustos ang kanilang buong pamilya, at daranas sila ng ginaw at gutom. Kung hindi mo sila hahayaang magtrabaho, sino ang susuporta sa kanilang pamilya? Susuportahan mo ba sila? Samakatuwid, hindi makatwirang hilingin sa kanila ng mga lider ng iglesia, superbisor, at sinumang may kaugnayan sa kanila na magbitiw sila sa kanilang mga trabaho at huwag nilang alalahanin ang kanilang mga pamilya. Hindi ito dapat na gawin. Paghiling ito ng imposible sa mga tao; dapat silang mabigyan ng paraang mabuhay. Hindi nabubuhay ang mga tao nang nakabukod sa iba, hindi sila mga makina. Kailangan nilang mabuhay, magpanatili ng kabuhayan. Gaya ng tinalakay natin dati, kung may mga anak at pamilya ka, bilang isang haligi o miyembro ng pamilya, dapat mong akuin ang responsabilidad ng pagsuporta sa iyong pamilya. Ang prinsipyo para sa pagtupad sa responsabilidad na ito ay ang makakuha ng pagkain at tirahan, iyon ang prinsipyo. Para sa ilang tao, ito ang kondisyong kinalalagyan nila, at wala silang magawa tungkol dito. Pagkatapos gampanan ang kanilang mga responsabilidad sa kanilang pamilya, inaayos nila ang kanilang iskedyul upang gawin ang kanilang tungkulin. Pinapayagan at pinahihintulutan ito sa sambahayan ng Diyos; hindi mo puwedeng hilingin ang imposible sa mga tao. Isa ba itong prinsipyo? (Oo.) Walang sinuman ang may katwirang mag-utos sa mga taong bago pa lamang sumasampalataya sa Diyos at hindi pa lumalalim ang ugnayan sa Kanya na magbitiw sa kanilang mga trabaho, tumalikod sa kanilang mga pamilya, makipagdiborsiyo, magpabaya sa kanilang mga anak, o tumanggi sa kanilang mga magulang. Hindi kinakailangan ang alinman sa mga ito. Ang hinihingi ng mga salita ng Diyos na sundin ng mga tao ay ang mga katotohanang prinsipyo, at ang mga prinsipyong ito ay may kalakip na iba’t ibang sitwasyon at kondisyon. Batay sa iba’t ibang sitwasyon at kondisyong ito, dapat na magawa ang mga kinakailangan at hakbang alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo; ito lamang ang tumpak. Samakatuwid, sa mga usapin ng isang propesyon, napakahalagang makontento sa pagkain at damit. Kung hindi mo makita nang malinaw ang puntong ito, maaaring mawala sa iyo ang iyong tungkulin at malagay sa panganib ang mga pagkakataon mong maligtas.
Ang mga huling araw ay isa ring espesyal na panahon. Sa isang aspekto, maraming aktibidad ang iglesia at komplikado ang mga ito; sa isa pa, sa pagharap sa sandaling ito kung kailan lumalawak ang ebanghelyo ng kaharian ng Diyos, mas maraming tao ang kinakailangang maglaan ng kanilang panahon at lakas, mag-ambag ng kanilang mga pagsisikap at tumupad sa kanilang mga tungkulin upang matugunan ang mga pangangailangan ng iba’t ibang proyekto sa loob ng sambahayan ng Diyos. Samakatuwid, anuman ang iyong hanapbuhay, kung maliban sa pagtugon sa iyong mga pangunahing pangangailangan sa pamumuhay, nakapaglalaan ka ng panahon at lakas upang tuparin ang iyong tungkulin sa sambahayan ng Diyos, nakikipagtulungan sa iba’t ibang proyekto, sa mga mata ng Diyos, bukod sa kalugod-lugod na ito, lubha rin itong makabuluhan. Karapat-dapat ito sa pag-alala ng Diyos, at siyempre, sulit din para sa mga tao na maglaan at gumugol nang ganito kalaki. Ito ay dahil bagaman isinakripisyo mo ang mga kasiyahan ng laman, ang matatamo mo naman ay ang hindi matutumbasang buhay sa mga salita ng Diyos, isang buhay na walang hanggan, isang hindi matutumbasang kayamanang hindi maipagpapalit sa anumang bagay sa mundo, sa pera o sa anupamang bagay. At ang napakahalagang kayamanang ito, ang bagay na iyong makakamit sa pamamagitan ng paglalaan ng panahon at lakas, sa pamamagitan ng sarili mong mga pagsisikap at paghahangad: Isa itong espesyal na pabor at isang bagay na pinalad kang matanggap, hindi ba? Ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan na nagiging buhay ng isang tao: Isa itong hindi matutumbasang kayamanan na dapat na ialay ng mga tao ang lahat bilang kapalit. Kaya, batay sa pagbibigay-daan sa iyo ng iyong hanapbuhay na magkaroon ng pagkain at damit, kung nagagawa mong magsakripisyo at maglaan ng panahon at lakas sa paghahangad sa katotohanan—kung pipiliin mo ang landas na ito—isa itong mabuting bagay na karapat-dapat ipagbunyi. Hindi ka dapat panghinaan ng loob o malito tungkol dito; dapat ay sigurado kang tama ang naging pasya mo. Maaaring napalagpas mo ang mga pagkakataon para sa mga promosyon, sa pagtaas ng suweldo at mas mataas na kita, sa mas maraming kasiyahan sa buhay sa laman, o sa isang mayamang buhay, ngunit nasunggaban mo naman ang pagkakataon para sa kaligtasan. Ang katunayang nawala sa iyo o binitiwan mo ang mga bagay na iyon ay nangangahulugang nabigyan ka ng iyong pagpapasya ng pag-asa at sigla para sa kaligtasan. Walang nawala sa iyo. Sa kabaligtaran, kung, matapos magkaroon ng pagkain at damit, gumugol ka ng sobrang oras at lakas, kumita ng mas maraming pera, nagkaroon ng mas maraming materyal na kasiyahan, at nabigyang-kasiyahan ang iyong laman, subalit sa paggawa niyon, nasira mo naman ang pag-asa para sa sarili mong kaligtasan, walang dudang hindi ito isang mabuting bagay para sa iyo. Dapat kang mabahala at mabalisa rito; dapat mong baguhin ang iyong trabaho at saloobin sa buhay at mga kahilingan patungkol sa kalidad ng pisikal na buhay; dapat mong bitiwan ang mga partikular na pagnanais, plano, at balak para sa buhay sa laman na hindi naaayon sa realidad. Dapat kang magdasal sa Diyos, lumapit sa presensya Niya, at magpasyang tuparin ang sarili mong tungkulin, ibinubuhos ang iyong isipan at katawan sa iba’t ibang gawain sa sambahayan ng Diyos, nagsisikap upang sa hinaharap, sa araw na matapos na ang gawain ng Diyos, kapag sinisiyasat ng Diyos ang gawain ng iba’t ibang uri ng tao, at sinusukat ang mga tayog ng iba’t ibang uri ng tao, magiging bahagi ka nila. Kapag natupad na ang dakilang gawain ng Diyos, kapag lumaganap na sa buong sansinukob ang ebanghelyo ng kaharian ng Diyos, kapag nasiwalat na ang nakagagalak na tagpong ito, naroon ang iyong pagpapagal, paglalaan, at sakripisyo. Kapag tumanggap ang Diyos ng kaluwalhatian, kapag napalawak ang Kanyang gawain sa buong sansinukob, kapag ipinagbubunyi na ng lahat ang matagumpay na katuparan ng dakilang gawain ng Diyos, sa pagsisiwalat sa sandaling iyon ng kagalakan, magkakaroon ka ng kaugnayan sa kagalakang ito. Magiging kabahagi ka sa kagalakang ito, hindi ang taong tatangis at magngangalit ng kanilang mga ngipin, maghihinagpis at magsisisi habang ang lahat ay naghihiyawan at naglulundagan sa galak, hindi ang taong tumatanggap ng mabigat na kaparusahan, na lubusang pupungusan at ititiwalag ng Diyos. Siyempre, lalong mabuti na kapag natupad na ang dakilang gawain ng Diyos, tataglayin mo ang mga salita ng Diyos bilang buhay. Magiging isa kang taong naligtas, hindi na nagrerebelde sa Diyos, hindi na lumalabag sa mga prinsipyo, kundi isang taong kaayon ng Diyos. Kasabay niyon, magagalak ka rin sa lahat ng bagay na isinuko mo noong una: ang mataas na suweldo, mga kasiyahan ng laman, magandang materyal na pagtrato, isang napakagandang kapaligiran ng pamumuhay, at ang pagpapahalaga, promosyon, at pagtataas na ibinibigay ng mga lider. Hindi mo pagsisisihan na isinuko mo ang mga oportunidad na iyon na mapataas ang ranggo mo, o ang mga oportunidad na mapataas ang iyong suweldo at makapagkamal ka ng kayamanan, o ang mga pagkakataong makapagpakasasa sa isang marangyang pamumuhay. Sa madaling salita, ang mga hinihingi at pamantayan para sa propesyong isinasagawa ng isang tao, na mga prinsipyo rin ng pagsasagawang dapat nilang sundin ay ibinuod lahat sa kasabihang ito: “Makontento sa pagkain at damit.” Ang paghahangad sa katotohanan upang magtamo ng buhay ay ang dapat na panghawakan ng mga tao. Hindi nila dapat talikdan ang katotohanan at ang tamang landas upang mabigyang-kasiyahan ang sarili nilang mga pagnanais at kasiyahan ng laman. Ito ang bumubuo sa pangalawang prinsipyong dapat na itaguyod ng mga tao hinggil sa isang propesyon.
Tungkol sa paksa ng pagbitiw sa propesyon ng isang tao, dalawang prinsipyo ang tinalakay natin ngayong araw. Naunawaan na ba ninyo ang dalawang prinsipyong ito? (Oo.) Dahil malinaw na ang mga prinsipyo, ang susunod na hakbang ay suriin, batay sa mga prinsipyong ito, kung paano isasagawa ang mga iyon. Sa huli, ang mga taong magagawang magtaguyod sa mga prinsipyong ito ay ang mga taong sumusunod sa daan ng Diyos, habang ang mga taong hindi magagawang magtaguyod sa mga prinsipyo ay lumilihis sa daan ng Diyos. Ganoon iyon kasimple. Kung magagawa mong itaguyod ang mga prinsipyo, makakamit mo ang katotohanan; kung hindi mo itataguyod ang mga prinsipyo, mawawala sa iyo ang katotohanan. Ang pagkakamit ng katotohanan ay nagbibigay ng pag-asa sa kaligtasan; ang pagkabigong makamit ang katotohanan ay hahantong sa pagkawala ng pag-asa sa kaligtasan—ganoon lang iyon. Sige, tapusin na natin dito ang pagbabahaginan para sa araw na ito. Paalam!
Hunyo 10, 2023