Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 12
Sa mga huling pagtitipon, nagbahaginan tayo sa mga paksa hinggil sa pag-aasawa sa “pagbitiw sa mga paghahangad, mithiin, at hangarin ng mga tao,” hindi ba? (Oo.) Natapos na natin ang pagbabahaginan sa mga paksang tungkol sa pag-aasawa. Sa pagkakataong ito, dapat tayong magbahaginan sa mga paksang tungkol sa pamilya. Tingnan muna natin kung anong mga aspekto ng pamilya ang may kinalaman sa mga paghahangad, mithiin, at hangarin ng mga tao. Dapat alam ng mga tao ang konsepto ng pamilya. Ang mga unang bagay na pumapasok sa isipan ng mga tao sa tuwing nababanggit ang paksang ito ay ang komposisyon at mga miyembro ng isang pamilya, at ang ilang gawain at taong may kinalaman sa pamilya. Maraming paksang may kinalaman sa pamilya. Gaano man karaming imahe at kaisipan ang umiiral sa isip mo, nauugnay ba ang mga ito sa “pagbitiw sa mga paghahangad, mithiin, at hangarin ng isang tao,” na pagbabahaginan natin ngayong araw? Ni hindi mo alam kung may kaugnayan ang mga bagay na ito bago natin simulan ang ating pagbabahaginan. Kaya bago tayo magpatuloy sa pagbabahagi, maaari ba ninyong sabihin sa Akin kung ano ba ang isang pamilya sa isip ng mga tao, o ang anumang bagay na maiisip ninyo na dapat bitiwan pagdating sa pamilya? Noong nakaraan, pinag-usapan natin ang tungkol sa ilang aspektong nauugnay sa mga paghahangad, mithiin, at hangarin ng mga tao. Natukoy ba ninyo kung ano ang nakapaloob sa bawat aspekto nitong paksang pinagbabahaginan natin? Alinmang aspekto ang nakapaloob, ang kailangang bitiwan ng mga tao ay hindi ang usapin mismo, kundi ang mga maling ideya at pananaw na ginagamit nila sa pagharap dito, gayundin ang iba’t ibang problema na mayroon ang mga tao kaugnay sa usaping ito. Ang iba’t ibang problemang ito ay ang pinakamahalagang punto na dapat nating pagbahaginan tungkol sa mga gayong aspekto. Ang iba’t ibang problemang ito ay mga isyu na nakakaapekto sa paghahangad ng mga tao sa katotohanan, o mas tiyak na sabihing lahat ng ito ay mga isyu na humahadlang sa mga tao sa paghahangad at pagpasok sa katotohanan. Ibig sabihin, kung mayroong mga paglihis o problema sa kaalaman mo sa isang usapin, magkakaroon din ng mga katumbas na problema sa iyong saloobin, diskarte, o pangangasiwa sa usaping ito, at ang mga katumbas na problemang ito ay ang mga paksa na kailangan nating pagbahaginan. Bakit natin kailangang pagbahaginan ang mga ito? Dahil ang mga problemang ito ay may malaki o labis-labis na epekto sa iyong paghahangad ng katotohanan at sa iyong mga wasto, maprinsipyong pananaw tungkol sa isang bagay, at likas ding nakakaapekto ang mga ito sa kadalisayan ng iyong pamamaraan ng pagsasagawa tungkol sa bagay na ito, pati na rin ng iyong mga prinsipyo sa pangangasiwa nito. Gaya noong nagbahaginan tayo tungkol sa mga paksa ng mga personal na hilig, libangan, at pag-aasawa, nagbabahaginan tayo sa paksa ng pamilya dahil maraming maling ideya, pananaw at saloobin ang mga tao tungkol sa pamilya, o dahil ang pamilya mismo ay nagdudulot ng maraming negatibong impluwensiya sa mga tao, at ang mga negatibong impluwensiyang ito ay likas na magtutulak sa kanila na panghawakan ang mga maling ideya at pananaw. Ang mga maling ideya at pananaw na ito ay makakaapekto sa iyong paghahangad sa katotohanan, at magtutulak sa iyo na gumawa ng mga hindi normal na bagay, upang sa tuwing mahaharap ka sa mga bagay na may kaugnayan sa pamilya, o mahaharap sa mga isyu na may kaugnayan sa pamilya, hindi ka magkakaroon ng mga tamang pananaw o landas sa pagdiskarte o pagharap sa mga usapin at isyung ito, at sa paglutas sa iba’t ibang problemang idinudulot nito. Ito ang prinsipyo para sa ating mga pagbabahaginan sa bawat paksa, at ito rin ang pangunahing problema na dapat lutasin. Kaya, tungkol sa paksa ng pamilya, naiisip ba ninyo kung ano ang mga negatibong impluwensiya ang idinudulot ng pamilya sa inyo, at sa anong mga paraan humahadlang ang pamilya sa inyong paghahanap sa katotohanan? Sa takbo ng iyong pananampalataya at pagganap sa iyong tungkulin, at habang hinahanap mo ang katotohanan o hinahangad ang mga katotohanang prinsipyo, at isinasagawa ang katotohanan, sa anong mga paraan iniimpluwensiyahan at hinahadlangan ng pamilya ang iyong pag-iisip, ang iyong mga prinsipyo ng pag-asal, at ang iyong mga prinsipyo, at pananaw sa buhay? Sa madaling salita, ipinanganak ka sa isang pamilya, kaya anong mga impluwensiya, anong mga maling ideya at pananaw, at anong mga hadlang at pagkagambala ang idinudulot ng pamilyang ito sa iyong pang-araw-araw na buhay bilang isang mananampalataya, at sa iyong paghahangad at kaalaman sa katotohanan? Kung paanong sumusunod sa isang prinsipyo ang pagbabahaginan sa paksa ng pag-aasawa, ganoon din ang pagbabahaginan sa paksa ng pamilya. Hindi nito hinihingi na bitiwan mo ang konsepto ng pamilya sa isang tiyak na pamamaraan, o ayon sa iyong pag-iisip at pananaw, o na bitiwan mo ang iyong aktuwal, pisikal na pamilya, o sinumang miyembro ng iyong pisikal na pamilya. Sa halip, hinihingi nito na bitiwan mo ang iba’t ibang negatibong impluwensiya na idinudulot sa iyo ng pamilya mismo, at bitiwan ang mga hadlang at pagkagambala na idinudulot ng pamilya mismo sa iyong paghahangad sa katotohanan. Sa mas partikular na salita, masasabing ang iyong pamilya ay nagdudulot ng mga partikular at mahigpit na obligasyong pampamilya at mga problema na nararamdaman at nararanasan mo habang hinahangad mo ang katotohanan at ginagampanan ang iyong tungkulin, at napipigilan ka nito kung kaya’t hindi ka makaramdam ng pagpapalaya o hindi mo epektibong magampanan ang iyong mga tungkulin at mahanap ang katotohanan. Ang mga obligasyon at problemang ito ay nagpapahirap sa iyo na maiwaksi ang mga hadlang at impluwensiyang dulot ng salitang “pamilya” o ng mga tao o bagay na sangkot dito, at ipinaparamdam nito sa iyo na nasisiil ka habang nananampalataya at gumaganap ka sa iyong tungkulin dahil sa pagkakaroon ng pamilya o dahil sa kahit anong negatibong impluwensiyang idinudulot ng pamilya sa iyo. Madalas ding pinapahirapan ng mga obligasyon at problemang ito ang iyong konsensiya at pinipigilan ang iyong katawan at isipan na makaramdam ng paglaya, at malimit na ipinaparamdam sa iyo na, kung sasalungat ka sa mga ideya at pananaw na nakukuha mo mula sa iyong pamilya, kung gayon, wala kang pagkatao, at mawawala ang iyong kabutihang-asal at ang mga pinakamababang pamantayan at prinsipyo ng pag-asal. Pagdating sa mga isyu sa pamilya, madalas kang naiipit sa pagitan ng kabutihang-asal at ng pagsasagawa ng katotohanan, hindi makalaya at mapakawalan ang iyong sarili. Anong mga partikular na problema ang nariyan—may naiisip ba kayo? Kahit minsan ba ay nararamdaman ninyo ang ilang bagay na kababanggit Ko lang ngayon sa inyong pang-araw-araw na buhay? (Sa pamamagitan ng pagbabahagi ng Diyos, naaalala ko na dahil nagkaroon ako ng mga maling pananaw tungkol sa aking pamilya, hindi ko maisagawa ang katotohanan, at inusig ako ng aking konsensiya dahil doon. Dati-rati, noong katatapos ko lang sa aking pag-aaral at nais kong ilaan ang sarili ko sa pagganap ng aking tungkulin, nagtatalo ang kalooban ko. Pakiramdam ko, dahil pinalaki ako ng aking pamilya at ginastusan nila ang aking pag-aaral sa buong panahong ito, ngayong nakapagtapos na ako sa unibersidad, kung hindi ako kikita ng pera at hindi ko tutustusan ang aking pamilya, magiging isa akong taong walang galang sa magulang at walang pagkatao, na mabigat sa aking konsensiya. Noong panahong iyon, nahirapan ako tungkol sa bagay na ito sa loob ng ilang buwan, hanggang sa wakas ay nakahanap ako ng paraan upang makalaya sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, at nagpasya akong gawin ang aking makakaya para magampanan ang aking tungkulin. Pakiramdam ko ay talagang nakakaapekto sa mga tao ang mga maling pananaw na ito tungkol sa pamilya.) Ito ay isang tipikal na halimbawa. Ito ay mga hindi nakikitang kadena na iginagapos ng pamilya sa mga tao, at ito rin ay mga problema na idinudulot ng mga damdamin, ideya o pananaw ng mga tao tungkol sa kanilang pamilya, na nakakaapekto sa kanilang buhay, mga paghahangad, at pananampalataya. Sa isang banda, nagsasanhi ng kagipitan at pasanin sa kaibuturan ng iyong puso ang mga problemang ito, na paminsan-minsan ay nagdudulot ng masasamang damdamin. Sino ang may anumang idadagdag? (Diyos ko, nagkikimkim ako ng isang pananaw na bilang isang bata na ngayon ay malaki na, dapat akong magpakita ng paggalang sa magulang at mag-asikaso sa lahat ng alalahanin at problema ng mga magulang ko. Pero dahil ginagawa ko ang tungkulin ko nang full-time, hindi ko magawang maging masunurin sa aking mga magulang o gumawa ng ilang bagay para sa kanila. Kapag nakikita kong nagpapakaabala pa rin ang mga magulang ko sa paghahanap-buhay, nararamdaman ko sa puso ko na may utang ako sa kanila. Noong una akong manalig sa Diyos, muntik ko Siyang ipagkanulo dahil dito.) Isa rin itong negatibong epekto ng pag-impluwensiya ng pamilya ng isang tao sa kanyang pag-iisip at mga ideya. Muntik mo nang ipinagkanulo ang Diyos, ngunit ang ilang tao ay talagang nagkanulo sa Diyos. Ang ilang tao ay hindi kayang bumitiw sa kanilang pamilya dahil sa kanilang mga matatag na kuru-kuro tungkol sa pamilya. Sa huli, pinili nilang patuloy na mamuhay alang-alang sa kanilang pamilya at isuko ang pagganap ng kanilang mga tungkulin.
Ang lahat ay may pamilya, lahat ay lumaki sa isang natatanging pamilya, at nagmumula sa isang natatanging kapaligiran ng pamilya. Ang pamilya ay napakahalaga para sa lahat, at isa itong bagay na nag-iiwan ng pinakamalaking impresyon sa buhay ng isang tao, isang bagay mula sa kaibuturan na mahirap isuko at bitiwan. Ang hindi kayang bitiwan ng mga tao at ang para sa kanila ay mahirap isuko, ay hindi ang bahay ng pamilya o ang lahat ng aparato, kasangkapan, at kagamitan na nasa loob nito, kundi ang mga miyembrong bumubuo sa pamilyang iyon, o ang kapaligiran at damdamin na dumadaloy rito. Ito ang konsepto ng pamilya sa isip ng mga tao. Halimbawa, ang mga nakatatandang miyembro ng pamilya (lolo’t lola at mga magulang), ang mga kapareho mo ng edad (mga kapatid at asawa), at ang nakababatang henerasyon (ang sarili mong mga anak): Ito ang mahahalagang miyembro sa konsepto ng pamilya ng mga tao, at sila rin ay mahahalagang bahagi ng bawat pamilya. Ano ang ibig sabihin ng pamilya sa mga tao? Para sa mga tao, nangangahulugan ito ng emosyonal na pagtustos at isang espirituwal na kakapitan. Ano pa ang ibang kahulugan ng pamilya? Isang lugar kung saan nakakaranas ang isang tao ng kasiglahan, kung saan malayang nasasabi ng isang tao ang nasa puso niya, o kung saan maaari siyang maging mapagpalayaw at kapritsoso. Sinasabi ng ilan na ang pamilya ay isang ligtas na kanlungan, isang lugar kung saan ang isang tao ay makakakuha ng emosyonal na pagtustos, isang lugar kung saan nagsisimula ang buhay ng isang tao. Ano pa? Ilarawan ninyo ito sa Akin. (Diyos ko, sa tingin ko, ang tahanan ng pamilya ay isang lugar kung saan lumalaki ang mga tao, isang lugar kung saan sinasamahan ng mga miyembro ng pamilya ang isa’t isa at nakadepende sila sa isa’t isa.) Magandang sagot. Ano pa? (Madalas kong isipin noon na ang pamilya ay isang komportableng kanlungan. Gaano man karaming kawalang-katarungan ang naranasan ko sa mundo, sa tuwing umuuwi ako, lubusang gumagaan ang isip at kalooban ko dahil sa suporta at pag-unawa ng pamilya ko, kaya sa ganyang diwa ko naramdaman na ang pamilya ay isang ligtas na kanlungan.) Ang tahanan ng pamilya ay isang lugar na puno ng kaginhawahan at kasiglahan, hindi ba? Mahalaga ang pamilya sa isip ng mga tao. Sa tuwing masaya ang isang tao, nais niyang ibahagi sa pamilya niya ang kanyang kagalakan; sa tuwing nababagabag at nalulungkot ang isang tao, umaasa rin siya na maipagtatapat niya ang kanyang mga problema sa kanyang pamilya. Sa tuwing nakakaramdam ang mga tao ng anumang kagalakan, galit, kalungkutan, at kaligayahan, nakakagawian nilang ibahagi ang mga ito sa kanilang pamilya, nang walang anumang bigat sa pakiramdam o pasanin. Para sa bawat tao, ang pamilya ay isang magiliw at magandang bagay, isang uri ng panustos para sa espiritu na hindi kayang bitiwan ng mga tao o na hindi kaya ng mga tao na wala sa kanila sa anumang punto ng kanilang buhay, at ang tahanan ng pamilya ay isang lugar na nagbibigay ng napakalaking suporta sa isipan, katawan, at espiritu ng mga tao. Samakatuwid, ang pamilya ay isang bahagi ng buhay ng bawat tao na hindi maaaring mawala. Ngunit anong uri ng mga negatibong impluwensiya mayroon ang lugar na ito sa kanilang paghahangad sa katotohanan, na napakahalaga sa pag-iral at buhay ng mga tao? Una sa lahat, masasabi nang may katiyakan na gaano man kahalaga ang pamilya sa pag-iral at buhay ng mga tao, o kung ano ang papel na ginagampanan nito at kung ano ang silbi nito sa kanilang pag-iral at buhay, lumilikha pa rin ito ng ilang problema—kapwa malalaki man o maliliit—sa mga tao sa kanilang landas ng paghahangad sa katotohanan. Bagamat gumaganap ito ng mahalagang papel sa paghahangad ng mga tao sa katotohanan, lumilikha din ito ng lahat ng uri ng gulo at problema na mahirap iwasan. Ibig sabihin, habang naghahangad at nagsasagawa ang mga tao sa katotohanan, ang iba’t ibang sikolohikal at ideolohikal na problemang nilikha ng pamilya, pati na ang mga problemang may kinalaman sa mga pormal na aspekto, ay nagdudulot ng malaking problema sa mga tao. Kaya, ano ba talaga ang kaakibat ng mga problemang ito? Siyempre, sa proseso ng paghahangad sa katotohanan, naranasan na ng mga tao ang iba’t ibang dami at kalubhaan ng mga problemang ito, kaya lang, hindi nila maingat na pinag-isipan at pinagnilay-nilayan ang mga ito, upang malaman kung ano talaga ang mga likas na isyu. Higit pa rito, hindi nila nakilala ang diwa ng mga problemang ito, lalo na ang mga katotohanang prinsipyo na dapat maunawaan at sundin ng mga tao. Kaya, ngayon, magbahaginan tayo sa paksa ng pamilya, at kung anong mga problema at hadlang ang idinudulot ng pamilya sa daan ng paghahangad ng mga tao sa katotohanan, pati na kung anong mga paghahangad, mithiin, at hangarin ang dapat bitiwan ng mga tao pagdating sa isyu ng pamilya. Ito ay talagang totoong problema.
Bagamat malawak ang paksa ng pamilya, nagdudulot pa rin ito ng mga partikular na problema. Ang problemang pagbabahaginan natin ngayon ay ang negatibong impluwensiya, panghihimasok at hadlang na kinakaharap ng mga tao sa landas ng paghahangad sa katotohanan dahil sa pamilya. Ano ang unang problemang dapat bitiwan ng isang tao tungkol sa pamilya? Ito ay ang pagkakakilanlan na namamana ng isang tao mula sa pamilya. Isa itong mahalagang usapin. Partikular nating pag-usapan kung gaano kahalaga ang usaping ito. Ang bawat isa ay nagmumula sa isang natatanging pamilya, bawat isa ay may sariling natatanging pinagmulan at kapaligiran ng pamumuhay, sariling kalidad ng buhay, at partikular na paraan ng pamumuhay at mga gawi sa buhay. Ang bawat tao ay nagmamana ng isang natatanging pagkakakilanlan mula sa kapaligiran ng pamumuhay at pinagmulan ng kanyang pamilya. Ang natatanging pagkakakilanlan na ito ay hindi lamang kumakatawan sa partikular na halaga ng bawat tao sa lipunan at sa ibang tao, kundi isa ring natatanging simbolo at tatak. Kaya ano ang ipinapahiwatig ng tatak na ito? Ipinapahiwatig nito kung ang isang tao ay itinuturing na respetado o aba sa grupong kinabibilangan niya. Itinatakda ng natatanging pagkakakilanlan na ito ang katayuan ng isang tao sa lipunan at sa ibang tao, at ang katayuang ito ay minana mula sa pamilya kung saan siya isinilang. Samakatuwid, ang pinagmulan ng iyong pamilya at ang uri ng pamilyang kasama mo sa buhay ay napakahalaga, dahil may kaugnayan ang mga ito sa iyong pagkakakilanlan at katayuan sa ibang tao at sa lipunan. Kaya, ang iyong pagkakakilanlan at katayuan ang nagtatakda kung respetado o aba ang iyong katayuan sa lipunan, kung ikaw ay iginagalang, hinahangaan, at tinitingala ng iba, o kung ikaw ay kinasusuklaman, dumaranas ng diskriminasyon, at niyuyurakan ng iba. Dahil tiyak na nakakaapekto sa kanilang sitwasyon at kinabukasan sa lipunan ang pagkakakilanlan na minana ng mga tao sa kanilang pamilya, ang minanang pagkakakilanlan na ito ay napakaseryoso at napakahalaga sa bawat tao. Dahil tiyak na nakakaapekto ito sa iyong katanyagan, katayuan, at kahalagahan sa lipunan, at sa iyong pakiramdam ng karangalan o kahihiyan sa buhay na ito, ikaw mismo ay may tendensiyang lubos na pahalagahan ang iyong pamilya at ang pagkakakilanlan na minana mo mula sa iyong pamilya. Dahil may napakalaking epekto sa iyo ang bagay na ito, ito ay isang napakahalaga at napakamakabuluhang bagay para sa iyo sa landas ng iyong pag-iral. Dahil ito ay isang napakahalaga at napakamakabuluhang bagay, sinasaklaw nito ang isang mahalagang puwang sa kaibuturan ng iyong kaluluwa, at napakahalaga nito sa iyong pananaw. Hindi lamang napakahalaga sa iyo ang pagkakakilanlan na minana mo mula sa iyong pamilya, kundi tinitingnan mo rin ang pagkakakilanlan ng sinumang kilala mo o hindi mo kilala mula sa parehong perspektiba, gamit ang parehong mga paningin at sa parehong paraan, at ginagamit mo ang perspektibang ito para timbangin ang pagkakakilanlan ng lahat ng nakakasalamuha mo. Ginagamit mo ang pagkakakilanlan nila para husgahan ang kanilang pagkatao, at para tukuyin kung paano humarap at makipag-ugnayan sa kanila—kung makikipag-ugnayan ka sa kanila sa mga paraang magiliw at pantay, o magiging sunud-sunuran sa kanila at susundin ang bawat salita nila, o basta lang na makikipag-ugnayan sa kanila at titingnan sila nang mapanghamak at may diskriminasyon, o makikisama at makikipag-ugnayan pa sa kanila sa mga paraang hindi makatao at hindi pantay. Ang mga ganitong paraan ng pagtingin sa mga tao at pagharap sa mga bagay-bagay ay pangunahing itinatakda ng pagkakakilanlan na nakukuha ng isang tao mula sa kanyang pamilya. Ang pinagmulan at katayuan ng iyong pamilya ang nagpapasya ng magiging katayuan mo sa lipunan, at ang uri ng katayuan mo sa lipunan ang nagpapasya sa mga paraan at prinsipyo ng iyong pagtingin at pagharap sa mga tao at mga bagay-bagay. Samakatuwid, ang saloobin at mga paraang pinaiiral ng isang tao sa pagharap sa mga bagay-bagay ay nakasalalay, sa malaking bahagi, sa pagkakakilanlan na minana niya sa kanyang pamilya. Bakit Ko sinasabing, “sa malaking bahagi”? May ilang partikular na sitwasyon, na hindi natin pag-uusapan. Para sa karamihan ng tao, ang sitwasyon ay katulad ng inilarawan Ko ngayon. Ang lahat ay may tendensiyang maimpluwensiyahan ng pagkakakilanlan at katayuan sa lipunan na nakukuha nila mula sa kanilang pamilya, at ang lahat ay may tendensiya ring pairalin ang mga kaukulang pamamaraan ng pagtingin at pagharap sa mga tao at bagay ayon sa pagkakakilanlang ito at sa katayuan sa lipunan—ito ay napakanatural. Dahil tiyak na ito ay isang bagay na hindi maiiwasan at isang pananaw sa pag-iral na likas na nanggagaling sa pamilya ng isang tao, ang pinagmulan ng pananaw ng isang tao sa pag-iral at paraan ng pamumuhay ay nakasalalay sa pagkakakilanlan na namamana niya mula sa kanyang pamilya. Ang pagkakakilanlan na namamana ng isang tao mula sa kanyang pamilya ang nagtatakda sa mga paraan at prinsipyo ng kanyang pagtingin at pagharap sa mga tao at mga bagay-bagay, pati na rin sa kanyang saloobin sa pagpili at paggawa ng mga desisyon habang tinitingnan at hinaharap ang mga tao at mga bagay-bagay. Hindi maiiwasang nagdudulot ito ng napakalubhang problema sa mga tao. Ang pinagmulan ng mga ideya at pananaw ng mga tao sa pagtingin at pagharap sa mga tao at mga bagay-bagay ay, sa isang punto, hindi maiiwasang naiimpluwensiyahan ng pamilya at, sa kabilang punto, ito ay naiimpluwensiyahan ng pagkakakilanlan na namamana ng isang tao mula sa kanyang pamilya—napakahirap para sa mga tao na lumayo mula sa impluwensiyang ito. Bilang resulta, hindi magawang tratuhin ng mga tao ang kanilang sarili nang tama, makatwiran, at patas, o tratuhin ang iba nang patas, at hindi rin nila magawang tratuhin ang mga tao at lahat ng bagay sa paraang naaayon sa mga katotohanang prinsipyo na itinuro ng Diyos. Sa halip, ibinabagay nila ang kanilang pagharap sa mga bagay-bagay, ginagamit ang mga prinsipyo, at nagpapasya, batay sa mga kaibahan sa pagitan ng kanilang sariling pagkakakilanlan at ng sa iba. Dahil naiimpluwensiyahan ng katayuan ng kanilang pamilya ang mga paraan ng pagtingin at pagharap ng mga tao sa mga bagay sa lipunan at sa ibang tao, ang mga paraang ito ay tiyak na salungat sa mga prinsipyo at paraan ng pagharap sa mga bagay-bagay na ipinabatid ng Diyos sa mga tao. Sa mas tumpak na salita, ang mga paraang ito ay tiyak na kumokontra, sumasalungat, at lumalabag ito sa mga prinsipyo at paraang itinuro ng Diyos. Kung ang mga paraan ng mga tao sa paggawa ng mga bagay-bagay ay nakabatay sa pagkakakilanlan at katayuan sa lipunan na namamana nila mula sa kanilang pamilya, kung gayon, hindi maiiwasang panghahawakan nila ang iba-iba o mga partikular na paraan at prinsipyo ng paggawa ng mga bagay-bagay, dahil sa kanilang mga sariling natatangi o espesyal na pagkakakilanlan at sa iba. Ang mga prinsipyong ito na pinanghahawakan nila ay hindi ang katotohanan, ni hindi rin naaayon ang mga ito sa katotohanan. Hindi lamang nilalabag ng mga ito ang pagkatao, konsensiya at katwiran, ngunit ang mas malala pa, nilalabag ng mga ito ang katotohanan, dahil ang mga ito ang nagtatakda kung ano ang dapat tanggapin o tanggihan ng isang tao batay sa kanyang mga kagustuhan at interes, at kung gaano kalaki ang hihingin ng mga tao sa isa’t isa. Samakatuwid, sa loob ng kontekstong ito, ang mga prinsipyo ng pagtingin at pagharap ng mga tao sa mga bagay-bagay ay hindi patas at hindi rin naaayon sa katotohanan, at ganap na nakabatay ang mga ito sa mga emosyonal na pangangailangan ng mga tao at sa kanilang pangangailangan na makinabang. Hindi mahalaga kung nagmana ka ng isang respetado o abang pagkakakilanlan mula sa iyong pamilya, sinasaklaw ng pagkakakilanlang ito ang isang bahagi sa puso mo, at para sa ilang tao, ito ay isang napakahalagang posisyon pa nga. Kaya, kung gusto mong hangarin ang katotohanan, ang pagkakakilanlang ito ay tiyak na makakaimpluwensiya at makakasagabal sa iyong paghahangad sa katotohanan. Ibig sabihin, sa proseso ng paghahangad sa katotohanan, hindi maiiwasang mahaharap ka sa mga isyu gaya ng kung paano tatratuhin ang mga tao at kung paano haharapin ang mga bagay-bagay. Pagdating sa mga isyung ito at mahahalagang bagay, hindi maiiwasang titingnan mo ang mga tao at mga bagay-bagay sa pamamagitan ng pagpapairal ng mga perspektiba o pananaw na nauugnay sa pagkakakilanlang minana mo sa iyong pamilya, at hindi mo maiiwasang gamitin ang napakasinauna o panlipunang paraan ng pagtingin sa mga tao at pagharap sa mga bagay-bagay. Respetado man o mababang katayuan sa lipunan ang nararamdaman mo dulot ng pagkakakilanlang minana mo mula sa iyong pamilya, ano’t anuman, magkakaroon ng epekto ang pagkakakilanlang ito sa iyong paghahangad sa katotohanan, sa iyong tamang pananaw sa buhay, at sa iyong tamang landas ng paghahangad sa katotohanan. Sa mas tiyak, makakaapekto ito sa iyong mga prinsipyo ng pagharap sa mga bagay-bagay. Nauunawaan mo ba?
Ang iba’t ibang pamilya ay nagbibigay sa mga tao ng iba’t ibang pagkakakilanlan at katayuan sa lipunan. Ang pagkakaroon ng isang magandang katayuan sa lipunan at isang respetadong pagkakakilanlan ay isang bagay na ikinatutuwa at ipinagdiriwang ng mga tao, samantalang iyong mga nagmamana naman ng kanilang pagkakakilanlan mula sa isang hamak at abang pamilya ay nakakaramdam ng pagiging mas mababa at nahihiyang humarap sa iba, at nararamdaman din nila na hindi sila sineseryoso o pinahahalagahan. Madalas ding dumaranas ng diskriminasyon ang gayong mga tao, na nagiging dahilan para makaramdam sila ng pagdadalamhati at mababang kumpiyansa sa sarili sa kaibuturan ng kanilang puso. Halimbawa, maaaring mga magsasakang nagtatanim at nagbebenta ng mga gulay ang mga magulang ng ilang tao; maaari namang mga mangangalakal na may maliit na negosyo ang mga magulang ng ilan, tulad ng pagpapatakbo ng isang puwesto sa kalye o pagtitinda sa kalye; maaaring ang magulang ng ilang tao ay nagtatrabaho sa craft industry, gumagawa at nagkukumpuni ng mga damit, o umaasa sa mga handicraft para maghanapbuhay at masuportahan ang kanilang buong pamilya. Ang mga magulang ng ilang tao ay maaaring nagtatrabaho sa industriya ng pagsisilbi bilang mga tagapaglinis o yaya; ang ilang magulang ay maaaring nagtatrabaho sa negosyo ng paghahakot o transportasyon; ang ilan ay maaaring mga masahista, beautician, o barbero, at ang ilang magulang ay maaaring nagkukumpuni ng mga bagay para sa mga tao, tulad ng mga sapatos, bisikleta, salamin sa mata, at iba pa. Ang ilang magulang ay maaaring may mas mahusay na mga kasanayan sa paggawa at pagkumpuni ng mga bagay tulad ng alahas o mga relo, samantalang ang iba naman ay maaaring may mas mababang katayuan sa lipunan at umaasa sa pangongolekta at pagbebenta ng basura para masuportahan ang kanilang mga anak at maitaguyod ang kanilang pamilya. Medyo mababa ang propesyonal na katayuan sa lipunan ng lahat ng magulang na ito, at malinaw na bunga nito, magiging mababa rin ang katayuan sa lipunan ng bawat isa sa kanilang pamilya. Kaya, sa paningin ng mundo, ang mga taong nagmumula sa mga pamilyang ito ay may abang katayuan at pagkakakilanlan. Dahil tiyak na tinatangkilik ng lipunan ang ganitong paraan ng pagtingin sa pagkakakilanlan ng isang tao at pagsukat sa halaga ng isang tao, kung ang iyong mga magulang ay magsasaka at may isang taong magtatanong sa iyo ng, “Ano ang trabaho ng mga magulang mo? Ano ang hitsura ng pamilya mo?” sasagot ka ng “Ang mga magulang ko … ah sila ay … hindi na mahalagang pag-usapan ito,” at hindi ka maglalakas-loob na sabihin kung ano ang trabaho nila, dahil masyado kang nahihiya. Kapag nakikipagkita ka sa mga kaklase at kaibigan o lumalabas para maghapunan, ipinapakilala ng mga tao ang kanilang sarili at ikinukuwento ang magandang pinagmulan ng kanilang pamilya o ang kanilang mataas na katayuan sa lipunan. Ngunit kung mula ka sa isang pamilya ng mga magsasaka, mga hamak na mangangalakal, o mga naglalako, hindi mo gugustuhing sabihin ito at makakaramdam ka ng hiya. Mayroong isang sikat na kasabihan sa lipunan na nagsasabing, “Huwag tanungin ang isang bayani tungkol sa kanyang pinanggalingan.” Napakarangal pakinggan ng kasabihang ito, at para sa mga may mababang katayuan sa lipunan, nagbibigay ito ng isang maliit na pag-asa at isang kislap ng liwanag, pati na rin ng kaunting kapanatagan. Ngunit bakit sikat ang ganitong kasabihan sa lipunan? Dahil ba masyadong binibigyang-pansin ng mga tao sa lipunan ang kanilang pagkakakilanlan, halaga, at katayuan sa lipunan? (Oo.) Iyong mga nanggagaling sa mabababang pinagmulan ay palaging walang tiwala sa sarili, kaya’t ginagamit nila ang kasabihang ito para panatagin ang kanilang sarili, at para na rin bigyan ng katiyakan ang iba, iniisip na bagamat mababa ang kanilang katayuan at pagkakakilanlan, mayroon naman silang isang nakatataas na estado ng pag-iisip, na isang bagay na hindi matututunan. Gaano man kababa ang iyong pagkakakilanlan, kung nakatataas ang iyong estado ng pag-iisip, nagpapatunay ito na isa kang marangal na tao, higit pa kaysa sa mga taong may respetadong pagkakakilanlan at katayuan. Anong isyu ang ipinahihiwatig nito? Habang lalong sinasabi ng mga tao na, “Huwag tanungin ang isang bayani tungkol sa kanyang pinanggalingan,” lalo nitong pinatutunayan na inaalala nila ang kanilang pagkakakilanlan at katayuan sa lipunan. Lalo na kapag ang pagkakakilanlan at katayuan sa lipunan ng isang tao ay lubhang payak at abang-aba, ginagamit nila ang kasabihang ito para panatagin ang kanilang sarili at makabawi sa kahungkagan at pagkadismaya sa puso nila. Ang mga magulang ng ilang tao ay mas masahol pa kaysa sa mga hamak na mangangalakal at mga naglalako, mga magsasaka at artesano, o mas masahol pa kaysa sa mga magulang na gumagawa ng alinman sa mga walang kabuluhan, hamak, at lalo na iyong mga trabahong mababa ang kita sa lipunan, kaya ang pagkakakilanlan at katayuan sa lipunan na namamana nila mula sa kanilang mga magulang ay lalo pang mas aba. Halimbawa, ang mga magulang ng ilang tao ay tunay na may masamang reputasyon sa lipunan, hindi talaga nila ginagawa ang mga bagay na dapat nilang gawin, at wala silang hanapbuhay na katanggap-tanggap sa lipunan o permanenteng kita, kaya nahihirapan silang tustusan ang mga gastos sa pamumuhay ng kanilang pamilya. Ang ilang magulang ay madalas na nagsusugal at nalulugi sa bawat taya. Sa huli, naiiwang hikahos at walang pera ang pamilya, hindi kayang bayaran ang pang-araw-araw na gastusin. Ang mga batang ipinanganak sa pamilyang ito ay nagsusuot ng maruruming damit, nagugutom, at namumuhay sa kahirapan. Sa tuwing nagdaraos ang paaralan ng mga pagpupulong ng mga magulang at guro, hindi kailanman sumisipot ang kanilang mga magulang, at alam ng mga guro na nasa sugalan ang mga ito. Halatang-halata kung anong uri ng pagkakakilanlan at katayuan mayroon ang mga batang ito sa mga mata ng kanilang mga guro at kaklase. Tiyak na mararamdaman ng mga batang ipinanganak sa ganitong uri ng pamilya na hindi nila maipagmamalaki ang kanilang sarili sa paligid ng iba. Kahit na mag-aral sila nang mabuti at magsikap, at kahit na matalas ang isip nila at namumukod-tangi sa karamihan, itinakda na ng pagkakakilanlang minana nila sa pamilyang ito ang kanilang katayuan at halaga sa mga mata ng ibang tao—maaaring makaramdam ang isang tao na siya ay nahihigpitan at nagdadalamhati dahil dito. Saan nagmumula ang dalamhati at paghihigpit na ito? Nagmumula ito sa paaralan, sa mga guro, sa lipunan, at lalo na sa mga maling pananaw ng sangkatauhan ukol sa pakikitungo sa mga tao. Hindi ba’t totoo ito? (Oo.) Ang ilang magulang ay walang partikular na masamang reputasyon sa lipunan ngunit nakagawa sila ng ilang hindi kanais-nais na bagay. Halimbawa, isipin ninyo ang mga magulang na nakulong at nasentensiyahan dahil sa pagdispalko at pagtanggap ng mga suhol, o dahil sa nilabag nila ang batas sa pamamagitan ng paggawa ng ilegal na bagay o pagsali sa pangangapital at panghuhuthot. Ang resulta, mayroon silang negatibo at masamang epekto sa kanilang pamilya, sa pamamagitan ng pagpilit sa kanilang mga kapamilya na tiisin ang kahihiyang ito kasama nila. Kaya, ang mapabilang sa ganitong uri ng pamilya ay mabisang mas may malaking epekto sa pagkakakilanlan ng isang tao. Hindi lamang aba ang kanyang pagkakakilanlan at katayuan sa lipunan, kundi minamaliit din siya, at binabansagan pa nga ng mga titulong gaya ng “despalkador” at “miyembro ng pamilyang magnanakaw.” Sa sandaling mabansagan ang isang tao ng mga ganitong titulo, magkakaroon ito ng mas malaki pang epekto sa kanyang pagkakakilanlan at katayuan sa lipunan, at higit pang palalalain ang kanyang suliranin sa lipunan, at dahil dito ay mas mararamdaman niyang hindi niya maipagmalaki ang kanyang sarili. Gaano ka man labis na magsikap o gaano ka pa kapalakaibigan, hindi mo pa rin mababago ang iyong pagkakakilanlan at katayuan sa lipunan. Siyempre, ang mga gayong kahihinatnan ay ang epekto rin na dala ng pamilya sa pagkakakilanlan ng isang tao. Mayroon ding mga kaayusan ng pamilya na medyo kumplikado. Halimbawa, ang ilang tao ay walang totoong ina kundi isang madrasta lamang, na hindi masyadong mabait o maunawain sa kanila, at hindi nagbigay sa kanila ng labis na pag-aalaga o pagmamahal ng isang ina habang lumalaki sila. Kaya para sa kanila, ang mapabilang sa ganitong pamilya ay epektibong nakapagbibigay sa kanila ng isang partikular na pagkakakilanlan, iyong walang may gusto sa kanila. Sa konteksto ng partikular na pagkakakilanlang ito, lalo silang nalulungkot at pakiramdam nila ay mas mababa ang kanilang katayuan kaysa sa sinumang iba pa. Wala silang nararamdamang kaligayahan, walang pakiramdam ng pag-iral, ni walang layon para mabuhay, at lalo nilang nararamdaman na mas mababa at kapus-palad sila. Mayroong iba pang mga tao na may masalimuot na kaayusan ng pamilya dahil ang kanilang ina, sanhi ng ilang partikular na sitwasyon, ay ilang ulit nang nag-asawa, kaya’t mayroon silang mangilan-ngilan na amain at hindi nila alam kung sino ang tunay nilang ama. Tinutukoy nito kung anong uri ng pagkakakilanlan ang makukuha ng gayong tao sa pagiging parte ng ganitong partikular na pamilya. Magiging mababa sa mga mata ng iba ang kanilang katayuan sa lipunan, at paminsan-minsan ay magkakaroon ng mga taong gagamit sa mga isyung ito o ilang opinyon tungkol sa pamilya para ipahiya ang taong ito, at para siraan at galitin ito. Hindi lamang nito mapapababa ang pagkakakilanlan at katayuan ng tao sa lipunan, kundi mapapahiya rin sila at hindi magagawang harapin ang iba dahil dito. Bilang buod, ang partikular na pagkakakilanlan at katayuan sa lipunan na namamana ng mga tao mula sa pagiging parte ng isang partikular na pamilya katulad ng mga nabanggit Ko, o ang karaniwang, ordinaryong pagkakakilanlan at katayuan sa lipunan na namamana ng mga tao mula sa pagiging parte ng isang karaniwang, ordinaryong pamilya, ay isang uri ng bahagyang kirot sa kaibuturan ng kanilang puso. Ito ay parehong isang kadena at isang pasanin, ngunit hindi ito kayang iwaksi ng mga tao, at hindi sila handang iwanan ito. Dahil para sa bawat tao, ang tahanan ng pamilya ay ang lugar kung saan sila ipinanganak at lumaki, at ito rin ay isang lugar na puno ng kabuhayan. Para sa mga taong may pamilyang nagpapapasan sa kanila ng isang hamak at mababang katayuan sa lipunan at pagkakakilanlan, parehong mabuti at masama ang pamilya, dahil sa sikolohikal na aspekto, ang mga tao ay hindi mabubuhay nang walang pamilya, ngunit pagdating sa kanilang mga aktuwal at obhetibong pangangailangan, ang pamilya ay nagdulot sa kanila ng iba’t ibang antas ng kahihiyan, pinipigilan silang makuha ang paggalang at pag-unawa na nararapat nilang makuha mula sa ibang tao at sa lipunan. Kaya para sa pangkat na ito ng populasyon, ang tahanan ng pamilya ay isang lugar na pareho nilang minamahal at kinamumuhian. Ang ganitong uri ng pamilya ay hindi pinahahalagahan o hinahangaan ng sinuman sa lipunan, bagkus ay dinidiskrimina at minamaliit ng iba. Tiyak na dahil dito, ang mga taong ipinanganak sa ganitong uri ng pamilya ay nagmamana rin ng parehong pagkakakilanlan, katayuan, at halaga. Ang kahihiyang nararamdaman nila dahil sa pagiging parte ng pamilyang ito ay kadalasang nakakaapekto sa kanilang pinakamalalim na emosyon, sa kanilang mga pananaw sa mga bagay-bagay, at gayundin sa mga paraan ng kanilang pagharap sa mga bagay-bagay. Hindi maiiwasang lubos itong makakaapekto sa kanilang paghahangad sa katotohanan, at gayundin sa kanilang pagsasagawa ng katotohanan habang hinahangad nila ito. Ito ay tiyak na dahil makakaapekto ang mga bagay na ito sa paghahangad at pagsasagawa ng mga tao sa katotohanan, na anuman ang pagkakakilanlang minana mo sa iyong pamilya, kailangan mong bitiwan ito.
Maaaring sinasabi ng ilan na: “Ang mga magulang na ikinuwento mo ay pawang mga magsasaka, mga hamak na mangangalakal, mga naglalako, mga tagapaglinis, at iyong mga gumagawa ng samu’t saring trabaho. Napakababa ng mga katayuang ito sa lipunan, at tama lang na dapat bitiwan ng mga tao ang mga ito. Ayon nga sa kasabihan, ‘Nagsusumikap ang tao na umangat; dumadaloy ang tubig pababa,’ dapat tumingala ang mga tao at mangarap nang mataas, at hindi dapat tumingin sa mga bagay na ito na nauugnay sa mababang katayuan. Halimbawa, sino ba ang gustong maging magsasaka? Sino ba ang gustong maging isang hamak na mangangalakal? Lahat ay gustong kumita ng malaking pera, maging isang opisyal na may mataas na ranggo, magkaroon ng katayuan sa lipunan, at magkamit ng napakabilis na tagumpay. Walang naghahangad na maging isang magsasaka mula pagkabata, at makuntento na lang na sakahin ang lupa at magkaroon ng sapat na makakain at maiinom. Hindi ito itinuturing ng sinuman na isang malaking tagumpay, walang gayong mga tao. Mismong dahil nagdudulot ng kahihiyan sa mga tao ang mga ganitong pamilya at nagiging dahilan para tatratuhin sila nang hindi patas ng mga tao dahil sa kanilang pagkakakilanlan, kung kaya’t dapat nilang bitiwan ang pagkakakilanlang minana nila sa kanilang pamilya.” Ganito ba ang nangyayari? (Hindi.) Hindi ganito. Kung tatalakayin natin ito mula sa ibang aspekto, may mga taong ipinapanganak sa mga pamilyang nakakalamang, o mga pamilyang may magandang sitwasyon ng pamumuhay o mataas na katayuan sa lipunan, kaya, namamana nila ang isang respetadong pagkakakilanlan at katayuan sa lipunan, at hinahangaan sila kahit saan. Maingat na maingat silang tinatrato ng kanilang mga magulang at mga nakatatanda sa pamilya habang sila ay lumalaki, bukod pa sa pagtrato sa kanila ng lipunan. Dahil sa kanilang espesyal at marangal na pinagmulan ng pamilya, sa paaralan, lahat ng kanilang guro at kaklase ay tumitingala sa kanila, at walang nangangahas na mang-api sa kanila. Malumanay at magiliw na nakikipag-usap sa kanila ang mga guro, at talagang magalang sa kanila ang kanilang mga kaklase. Dahil nagmula sila sa isang nakalalamang na pamilya na may respetadong pinanggalingan, na nagbibigay sa kanila ng isang marangal na pagkakakilanlan sa lipunan at siyang dahilan kaya mataas ang tingin sa kanila ng iba, nararamdaman nilang mas nakatataas sila at na mayroon silang kagalang-galang na pagkakakilanlan at katayuan sa lipunan. Bilang resulta, sa anumang grupo, ipinapakita nilang labis ang tiwala nila sa sarili, sinasabi nila ang anumang gusto nila nang hindi isinasaalang-alang ang damdamin ng sinuman, at ganap na walang pigil sila sa anumang ginagawa nila. Para sa ibang tao, sila ay sopistikado at elegante, hindi natatakot na mag-ambisyon, magsalita, at kumilos, at anuman ang sabihin o gawin nila, dahil suportado sila ng kanilang matatag na pinagmulan ng pamilya, palaging mayroong ilang respetadong tao na handang tumulong sa kanila, at maayos ang takbo ng lahat ng ginagawa nila. Habang mas maayos ang takbo ng mga bagay-bagay, lalo nilang nararamdaman na mas nakatataas sila. Saanman sila magpunta, intensyon nilang maging maawtoridad at mamukod-tangi sa karamihan, at maging naiiba sa lahat. Sa tuwing kumakain sila kasama ang iba, iyong malalaking piraso ang pinipili nila, at kung hindi nila makuha ang mga ito ay nagagalit sila. Kapag naninirahan kasama ang mga kapatid, ipinagpipilitan nilang matulog sa pinakamagandang higaan—iyong higaan na nasa pinakamaaraw na puwesto, o malapit sa pangpainit, o kung saanman sariwa ang hangin—at sa kanila lang iyon. Hindi ba’t isa itong pagkaramdam na nakatataas sila sa iba? (Oo.) Ang mga magulang ng ilang tao ay kumikita nang malaki, o kaya ay mga empleyado sila ng gobyerno, o mahuhusay na propesyonal na may matataas na suweldo, kaya talagang komportable at may-kaya ang kanilang pamilya, at walang mga alalahanin sa pagbili ng mga pagkain o damit. Dahil dito, pakiramdam ng mga gayong tao ay lubos silang nakaaangat. Nasusuot nila ang anumang gusto nila, bumibili sila ng mga pinakausong kasuotan at itinatapon ang mga ito kapag wala na sa uso. Nakakain rin nila ang anumang gusto nila—ang kailangan lang nilang gawin ay hingin ito at may isang tao na maghahatid nito. Talagang wala silang anuman na dapat ipag-alala, at pakiramdam nila ay lubos silang nakatataas. Ang pagkakakilanlang namamana nila sa ganitong uri ng nakalalamang na pamilya ay nangangahulugan na sa mga mata ng iba, talagang sila ay isang prinsesa kung babae, o isang palikero naman kung lalaki. Ano ang namana nila sa ganitong uri ng pamilya? Isang marangal na pagkakakilanlan at katayuan sa lipunan. Ang namana nila sa ganitong uri ng pamilya ay hindi kahihiyan, kundi kaluwalhatian. Anumang kapaligiran o grupo ng mga tao ang kinabibilangan nila, palagi nilang nararamdaman na lubos silang nakaaangat sa lahat. Nagsasabi sila ng mga bagay na tulad ng, “Mayayamang negosyante ang mga magulang ko. Maraming pera ang pamilya ko. Ginagastos ko ito kung kailan ko gusto, at hindi ko kailanman kailangang mag-budget,” o kaya naman ay “Matataas na opisyal ang mga magulang ko. Saanman ako magpunta para gawin ang mga bagay-bagay, natatapos ko ang mga ito sa isang salita lamang, nang hindi dumadaan sa mga normal na proseso. Nakikita mo kung gaano kayo kailangang magsikap para matapos ang mga bagay-bagay, kailangan pa ninyong dumaan sa mga wastong patakaran, maghintay sa inyong pagkakataon, at makipag-ugnayan sa mga tao. Tingnan ninyo ako, sinasabi ko lang sa isa sa mga alalay ng mga magulang ko kung ano ang kailangang gawin at natatapos na ito. Hindi ba’t iyan ay isang pambihirang pagkakakilanlan at katayuan sa lipunan!” Nararamdaman ba nila na mas nakatataas sila? (Oo.) Sinasabi ng ilang tao: “Ang mga magulang ko ay mga tanyag na tao sa publiko, puwede mong hanapin ang mga pangalan nila sa internet at tingnan kung lalabas ang mga ito.” Kapag tinitingnan ng isang tao ang mga listahan ng tanyag na tao at talagang naroroon nga ang mga pangalan ng mga magulang, nararamdamanan ng mga taong iyon ang pagiging mas nakatataas. Saan man sila pumunta, kung may magtanong sa kanila ng, “Ano ang pangalan mo?” sasagot sila ng, “Hindi mahalaga kung ano ang pangalan ko, ang mga pangalan ng mga magulang ko ay ganito-at-ganyan.” Ang unang sinasabi nila sa mga tao ay ang mga pangalan ng kanilang mga magulang, upang ipaalam sa iba ang kanilang pagkakakilanlan at katayuan sa lipunan. Iniisip ng ilang tao na: “May katayuan ang pamilya mo, parehong mga opisyal ang mga magulang mo, o mga tanyag na tao, o mayayamang negosyante, kaya ka isang nakalalamang na anak ng matataas na opisyal o napakayaman na mga magulang. Ano ako?” Matapos itong pag-isipan, sumasagot sila ng, “Walang espesyal tungkol sa mga magulang ko, mga ordinaryong manggagawa lamang sila na kumikita ng katamtamang sahod, kaya walang dapat ipagmalaki—pero ang isa sa mga ninuno ko ay isang punong ministro sa isang dinastiya.” Sinasabi ng iba: “Isang punong ministro ang ninuno mo. Hanep, mayroon ka palang espesyal na katayuan. Ikaw ay inapo ng isang punong ministro. Ang sinumang inapo ng isang punong ministro ay hindi isang ordinaryong tao, nangangahulugan ito na ikaw rin ay inapo ng mga tanyag na tao!” Kita mo, sa sandaling iugnay ng isang tao ang kanyang sarili sa isang tanyag na tao, magiging iba ang kanyang pagkakakilanlan, agad na itataas ang kanyang katayuan sa lipunan, at siya ay magiging isang respetadong tao. May iba na nagsasabing: “Ang mga ninuno ko ay isang henerasyon ng mayayamang negosyante. Talagang napakayaman nila. Kalaunan, dahil sa mga pagbabago sa lipunan at sa sistemang panlipunan, kinumpiska ang mga ari-arian nila. Ngayon, marami sa mga bahay na tinitirhan ng mga tao, sa loob ng sampu-sampung milya mula rito, ay mga bahay ng aking mga ninuno. Dati-rati, may apat o limang daang silid ang tahanan ng aking pamilya, o hindi bababa sa dalawa o tatlong daang silid, at higit sa isang daang tagapaglingkod sa kabuuan. Ang lolo ko ang may-ari ng negosyo. Wala siyang ginawang anumang trabaho, inuutusan lang niya ang iba na gawin ito. Namuhay si Lola sa layaw, at pareho silang may mga katulong na nagbibihis sa kanila at naglalaba ng kanilang mga damit. Nang maglaon, dahil nagbago ang sitwasyong panlipunan, bumagsak ang aming pamilya, kaya hindi na kami bahagi ng maharlika kundi naging mga pangkaraniwang tao na lang. Noon, malaki at prestihiyoso ang pamilya ko. Kapag ipinadyak nila ang kanilang paa sa isang dulo ng nayon, ramdam ang pagyanig hanggang sa kabilang dulo ng nayon. Kilala sila ng lahat. Iyan ang uri ng pamilya na pinanggalingan ko, kaya anong tingin mo roon? Talagang pambihira, hindi ba? Dapat tinitingala mo ako, hindi ba?” Gayunpaman, sinasabi pa rin ng iba: “Wala namang kahanga-hanga tungkol sa yaman ng mga ninuno mo. Ang ninuno ko ay isang emperador, at isang tagapagtatag na emperador pa nga. Sabi nila, sa kanya ko raw namana ang apelyido ko. Lahat ng pamilya ko ay direktang kamag-anak niya, hindi malayong kamag-anak. Anong tingin mo roon? Ngayong alam mo na ang pinagmulan ng aking ninuno, hindi ba’t dapat mo akong tratuhin nang may panibagong paghanga at pakitaan ng kaunting paggalang? Hindi ba dapat tinitingala mo ako?” Sinasabi ng ilang tao: “Bagamat walang mga emperador sa mga ninuno ko, may ninuno akong isang heneral na pumatay ng napakaraming kaaway, nakagawa ng hindi mabilang na kapakinabangan sa militar, at naging isang importanteng ministro sa korte ng imperyal. Ang pamilya ko ay kanyang direktang inapo lahat. Hanggang ngayon, nag-aaral pa rin ang pamilya ko ng mga galaw sa martial arts na ipinamana ng mga ninuno ko, na inililihim sa mga tagalabas. Ano ang tingin mo roon? Hindi ba’t espesyal ang aking pagkakakilanlan? Hindi ba’t mayroon akong respetadong katayuan?” Ang mga espesyal na pagkakakilanlang ito na minana ng mga tao mula sa kanilang diumano’y sinaunang pamilya ng mga ninuno, pati na rin mula sa kanilang mga pangkasalukuyang pamilya, ay itinuturing ng mga tao bilang kagalang-galang at dakila, at paminsan-minsan, pinangangalanan at ipinagmamalaki nila ang mga ito bilang simbolo ng kanilang pagkakakilanlan at katayuan sa lipunan. Sa isang punto, ginagawa nila ito para patunayan na katangi-tangi ang kanilang pagkakakilanlan at katayuan. Sa isa pang punto, kapag sinasabi ng mga tao ang mga kwentong ito, sinusubukan din nilang lumikha ng mas mataas na katayuan at katayuan sa lipunan para sa kanilang sarili, para magiging mas mataas ang halaga nila sa iba at magmumukhang katangi-tangi at espesyal. Ano ang layon ng pagiging katangi-tangi at espesyal? Ito ay para magkamit ng mas mataas na antas ng paggalang, paghanga, at pagpapahalaga mula sa iba, para magkaroon sila nang mas komportable, madali, at marangal na buhay. Lalo na sa ilang espesyal na kapaligiran, halimbawa, may mga taong palaging hindi kayang igiit ang kanilang presensiya sa loob ng isang grupo, o magkamit ng paggalang at pagpapahalaga ng iba. Kaya, naghahanap sila ng mga pagkakataon at paminsan-minsan ay ginagamit nila ang kanilang espesyal na pagkakakilanlan o espesyal na pinagmulan ng kanilang pamilya para igiit ang kanilang presensiya at ipaalam sa mga tao na sila ay katangi-tangi, at para bigyang-halaga at igalang sila ng mga tao, nang sa gayon ay magkamit sila ng katanyagan sa mga tao. Sinasabi nila: “Bagamat ang aking sariling pagkakakilanlan, katayuan, at kakayahan ay pangkaraniwan lamang, ang isa sa mga ninuno ko ay tagapayo sa pamilya ng isang prinsipe noong Ming Dynasty. Narinig mo na ba ang ganito at ganiyan? Iyon ay ang aking ninuno, ang lolo ng aking lolo sa tuhod, siya ay isang mahalagang tagapayo sa pamilya ng prinsipe. Kilala siya bilang ‘Ang Pinuno ng Utak.’ Dalubhasa siya sa lahat ng bagay mula sa astronomiya hanggang sa heograpiya, sinauna at modernong kasaysayan, at mga usapin sa China at mga dayuhang bansa. Nakagawa rin siya ng ilang hula. Nasa amin pa rin ang geomantic feng shui compass na ginamit niya sa aming pamilya.” Bagamat hindi nila ito madalas pag-usapan, gayunpaman ay inaaliw nila ang iba paminsan-minsan gamit ang mga kuwento ng mabulaklak na kasaysayan ng kanilang mga ninuno. Walang nakakaalam kung totoo ang mga sinasabi nila o hindi, at ang ilan sa mga ito ay maaaring mga eksaheradong kuwento, ngunit ang ilan ay maaaring totoo. Ano’t anuman, sa isipan ng mga tao, napakahalaga ng pagkakakilanlang namamana nila mula sa kanilang pamilya. Ito ang nagtatakda ng kanilang posisyon at katayuan sa gitna ng bang tao, sa pagtratong natatanggap nila sa mga tao, pati na sa kanilang sitwasyon at antas sa mga tao. Ito ay tiyak na dahil kapag kasama ang iba, nakikita ng mga tao ang mga bagay na ito na nakukuha nila sa kanilang minanang pagkakakilanlan, kaya itinuturing nila ang mga ito bilang napakahalaga. Dahil dito, maya’t maya nilang ipinangangalandakan ang mga “dakila” at “kamangha-manghang” kabanata ng kasaysayan ng kanilang pamilya, habang paulit-ulit na iniiwasang banggitin iyong mga aspekto ng pinagmulan ng kanilang pamilya o iyong mga kahiya-hiyang bagay na nangyari sa kanilang pamilya, o iyong maaaring maliitin o diskriminahin. Sa madaling salita, ang pagkakakilanlang namamana ng mga tao sa kanilang pamilya ay napakahalaga sa puso nila. Kapag nakararanas sila ng ilang partikular na kaganapan, madalas nilang ginagamit ang espesyal na pagkakakilanlan ng kanilang pamilya bilang puhunan at bilang dahilan para magpasikat, upang makamit ang pagkilala ng mga tao at magkaroon ng katayuan sa iba. Hindi mahalaga kung ang iyong pamilya ay naghahatid sa iyo ng kaluwalhatian o kahihiyan, o kung ang katayuan sa lipunan na iyong namana mula sa iyong pamilya ay marangal o mababa, sa iyong pananaw, hanggang ganito lang ang pamilyang ito. Hindi ito ang nagtatakda kung mauunawaan mo ba ang katotohanan, kung magagawa mo bang hangarin ang katotohanan, o kung magagawa mo bang tahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan. Samakatuwid, hindi ito dapat ituring ng mga tao bilang isang napakahalagang bagay, dahil hindi ito ang nagtatakda sa kapalaran ng isang tao, ni sa kinabukasan ng isang tao, at lalo namang hindi ito ang nagtatakda sa landas na tatahakin ng isang tao. Ang sarili mong damdamin at pananaw sa iba ang kaya lamang itakda ng pagkakakilanlan na iyong namana mula sa iyong pamilya. Hindi mahalaga kung ang pagkakakilanlang namana mo mula sa iyong pamilya ay isang bagay na kinasusuklaman mo o isang bagay karapat-dapat na ipagmalaki, hindi nito maitatakda kung magagawa mo bang tahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan o hindi. Kaya, pagdating sa paghahangad sa katotohanan, hindi mahalaga kung anong uri ng pagkakakilanlan o katayuan sa lipunan ang namamana mo mula sa iyong pamilya. Kahit na ipinararamdam sa iyo ng pagkakakilanlang namana mo na ikaw ay nakatataas at mapalad, wala itong kabuluhan. O, kung nagbibigay ito sa iyo ng kahihiyan, kababaan, at kawalan ng kumpiyansa sa sarili, hindi ito makakaapekto sa iyong paghahangad sa katotohanan. Hindi ba’t totoo ito? (Oo.) Hindi ito makakaapekto sa iyong paghahangad sa katotohanan ni katiting, ni hindi ito makakaapekto sa iyong pagkakakilanlan bilang isang nilikha sa harap ng Diyos. Bagkus, anuman ang pagkakakilanlan at katayuan sa lipunan ang namana mo mula sa iyong pamilya, mula sa pananaw ng Diyos, ang lahat ay may parehong pagkakataon na mailigtas, at ginagampanan nila ang kanilang tungkulin at hinahangad ang katotohanan nang may parehong katayuan at pagkakakilanlan. Ang pagkakakilanlang namana mo mula sa iyong pamilya, marangal man ito o nakakahiya, ay hindi nagtatakda sa iyong pagkatao o sa landas na iyong tatahakin. Gayunpaman, kung masyado mo itong binibigyan ng pagpapahalaga, at ituturing ito bilang isang mahalagang bahagi ng iyong buhay at pagkatao, kung gayon, mahigpit mo itong panghahawakan, hinding-hindi ito bibitiwan, at ipagmamalaki pa ito. Kung ang iyong namanang pagkakakilanlan mula sa iyong pamilya ay marangal, ituturing mo itong isang puhunan, samantalang kung mababa ang pagkakakilanlang namana mo mula sa iyong pamilya, ituturing mo itong isang kahiya-hiyang bagay. Marangal, dakila, o kahiya-hiya man ang pagkakakilanlang namamana mo mula sa iyong pamilya, iyon ay personal mo lang na pang-unawa, at resulta lamang ng pagtingin sa isyu mula sa perspektiba ng iyong tiwaling pagkatao. Sariling pakiramdam, pandama, at pang-unawa mo lang ito, na hindi naaayon sa katotohanan at walang kinalaman sa katotohanan. Hindi ito puhunan sa iyong paghahangad sa katotohanan at, siyempre, hindi ito hadlang sa iyong paghahangad ng katotohanan. Kung marangal at nakatataas ang iyong katayuan sa lipunan, hindi ito nangangahulugan na puhunan ito para sa iyong kaligtasan. Kung mababa at hamak ang iyong katayuan sa lipunan, hindi ito nangangahulugan na ito ay isang hadlang sa iyong paghahangad sa katotohanan, lalong hindi ito isang hadlang sa iyong paghahangad sa kaligtasan. Bagaman ang kapaligiran at pinagmulan ng isang pamilya, kalidad ng buhay, at mga kondisyon ng pamumuhay ay nagmulang lahat sa ordinasyon ng Diyos, walang kinalaman ang mga ito sa tunay na pagkakakilanlan ng isang tao sa harap ng Diyos. Ang sinumang tao, anuman ang pamilyang pinanggagalingan niya, o kung tanyag o mas mababa man ang pinagmulan ng kanyang pamilya, ay isang nilikha sa mga mata ng Diyos. Kahit na may tanyag na pinagmulan ang iyong pamilya at ikaw ay nagmula sa marangal na pagkakakilanlan at katayuan, isa ka pa ring nilikha. Gayundin, kung mababa ang katayuan ng iyong pamilya at minamaliit ka ng iba, isa ka pa ring ordinaryong nilikha sa mga mata ng Diyos—walang espesyal sa iyo. Ang iba’t ibang pinagmulan ng pamilya ay nagbibigay sa mga tao ng iba’t ibang kapaligiran sa kanilang paglaki, at ang iba’t ibang kapaligiran ng pamumuhay ng pamilya ay nagbibigay ng iba’t ibang pananaw sa mga tao sa kanilang pagharap sa mga materyal na bagay, sa mundo, at sa buhay. May-kaya man o salat sa buhay ang isang tao, o nakalalamang man o hindi ang mga sitwasyong pampamilya ng isang tao, ito ay isa lamang na naiibang karanasan para sa iba’t ibang tao. Sa isang banda, iyong mahihirap at may pamilyang may katamtamang pamantayan ng pamumuhay ang may mas malalim na karanasan sa buhay, samantalang, iyong mayayaman at may pamilyang partikular na nakalalamang, mas mahirap para sa kanila na makamit ito, hindi ba? (Oo.) Anumang uri ng kapaligiran ng pamilya ang kinalakihan mo, at anumang pagkakakilanlan at katayuan sa lipunan ang nakuha mo mula sa kapaligiran ng pamilyang iyon, kapag humarap ka sa Diyos, kapag kinilala at tinanggap ka ng Diyos bilang isang nilikha, katulad ka rin ng ibang tao sa mga mata ng Diyos, ikaw ay kapantay ng ibang tao, walang anumang espesyal sa iyo, at pareho lang ang mga pamamaraan at pamantayan na gagamitin ng Diyos sa Kanyang mga hihingin sa iyo. Kung sinasabi mong, “Mayroon akong espesyal na katayuan sa lipunan,” kung gayon, sa harap ng Diyos, dapat mong balewalain ang “pagiging espesyal” na ito; kung sasabihin mong, “Mababa ang katayuan ko sa lipunan,” dapat mo ring balewalain ang “pagiging mababa” na ito. Sa harap ng Diyos, ang bawat isa ay dapat lumayo sa pagkakakilanlang minana mo sa iyong pamilya, bitiwan ito, tanggapin ang pagkakakilanlang ibinigay sa iyo ng Diyos bilang isang nilikha, at pagtibayin ang pagkakakilanlang ito sa pagganap nang maayos sa tungkulin ng isang nilikha. Kung galing ka sa isang mabuting pamilya at may marangal na katayuan, wala kang dapat ipagmayabang, at hindi ka mas marangal kaysa sa sinuman. Bakit ganoon? Sa mga mata ng Diyos, hangga’t isa kang nilikha, puno ka ng mga tiwaling disposisyon, at isa ka sa mga gustong iligtas ng Diyos. Gayundin, kung mababa at hamak ang pagkakakilanlang namana mo mula sa iyong pamilya, dapat mo pa ring tanggapin ang pagkakakilanlan ng isang nilikha na ibinigay sa iyo ng Diyos at harapin ang Diyos bilang isang nilikha para tanggapin ang Kanyang pagliligtas. Maaaring sabihin mo na: “Mababa ang katayuan sa lipunan ng pamilya ko, at mababa rin ang aking pagkakakilanlan. Mababa ang tingin sa akin ng mga tao.” Sinasabi ng Diyos na hindi ito mahalaga. Ngayon, sa harap ng Diyos, hindi ka na nagpapakita bilang isang tao na mayroong pagkakakilanlang ibinigay sa iyo ng iyong pamilya. Ang kasalukuyan mong pagkakakilanlan ay iyong sa isang nilikha, at ang dapat mong tanggapin ay ang mga hinihingi ng Diyos sa iyo. Walang sinumang kinikilingan ang Diyos. Hindi Niya tinitingnan ang pinagmulan ng iyong pamilya o ang iyong pagkakakilanlan, dahil sa Kanyang mga mata, katulad ka rin ng iba. Ginawa kang tiwali ni Satanas, miyembro ka ng tiwaling sangkatauhan, at isa kang nilikha sa harap ng Diyos, kaya isa ka sa mga gustong iligtas ng Diyos. Hindi mahalaga kung anak ka ng mga opisyal na may mataas na ranggo o mga napakayamang magulang, isa ka mang binatang may pribilehiyo o isang prinsesa, o kung anak ka man ng mga magsasaka o ng kung sinong ordinaryong tao. Hindi mahalaga ang mga bagay na ito, at hindi tumitingin ang Diyos sa alinman sa mga ito. Dahil ang gustong iligtas ng Diyos ay ikaw bilang isang tao. Gusto Niyang baguhin ang iyong tiwaling disposisyon, hindi ang iyong pagkakakilanlan. Ang iyong tiwaling disposisyon ay hindi itinatakda ng iyong pagkakakilanlan, ang iyong halaga ay hindi rin itinatakda ng iyong pagkakakilanlan, at ang iyong tiwaling disposisyon ay hindi nanggagaling sa iyong pamilya. Gusto ng Diyos na iligtas ka hindi dahil sa maaaring mababa ang katayuan mo, at lalong hindi dahil maaaring respetado ang katayuan mo. Sa halip, pinili ka ng Diyos dahil sa Kanyang plano at Kanyang pamamahala, dahil ginawa kang tiwali ni Satanas, at miyembro ka ng tiwaling sangkatauhan. Sa harap ng Diyos, anuman ang pagkakakilanlang namamana mo mula sa iyong pamilya, katulad ka rin ng lahat. Lahat kayo ay miyembro ng sangkatauhan, na ginawang tiwali ni Satanas, at may mga tiwaling disposisyon. Walang espesyal sa iyo. Hindi ba’t totoo ito? (Oo.) Samakatuwid, sa susunod na may isang tao sa paligid mo na nagsasabing, “Dati akong mahistrado ng probinsiya,” o “Gobernador ako ng probinsiya noon,” o may magsasabing, “Ang mga ninuno namin ay mga emperador,” o may magsasabing, “Miyembro ako ng kongreso noon,” o “Tumakbo akong presidente,” o may magsasabing, “Ako ang presidente ng isang malaking kumpanya noon,” o “Ako ang boss sa isang negosyong pag-aari ng estado,” ano ang kamangha-manghang tungkol doon? Mahalaga ba na dati kang senior executive o commanding officer? Masyadong binibigyang-halaga ng mundo at ng lipunang ito ang pagkakakilanlan at katayuan sa lipunan ng mga tao, at nagpapasya kung paano ka pakikitunguhan ayon sa iyong pagkakakilanlan at katayuan sa lipunan. Pero ngayon ay nasa sambahayan ka na ng Diyos, at hindi magiging iba ang tingin sa iyo ng Diyos dahil lang sa kung gaano ka kapambihira noon, o kung gaano kapambihira at kadakila ang iyong pagkakakilanlan noon. Lalo na ngayon na hinihingi Niya sa iyo na hangarin ang katotohanan, mayroon bang anumang kabuluhan ang pagpapasikat ng iyong mga kuwalipikasyon, katayuan sa lipunan, at halaga? (Wala.) Kahangalan ba kung gagawin ito? (Oo.) May tendensiya ang mga hangal na tao na gamitin ang mga bagay na ito upang ikumpara ang sarili nila sa iba. Mayroon ding ilang bagong mananampalataya na may mababang tayog at hindi nauunawaan ang katotohanan, at na madalas ginagamit ang mga bagay na ito mula sa lipunan at pamilya para ikumpara ang kanilang sarili sa iba. Ang mga taong may kaunting pundasyon at tayog sa kanilang pananampalataya sa Diyos ay karaniwang hindi gagawa nito, ni hindi sila mag-uusap tungkol sa mga gayong bagay. Ang paggamit sa pagkakakilanlan ng pamilya o katayuan sa lipunan bilang puhunan ay hindi naaayon sa katotohanan.
Ngayong marami Akong naibahagi tungkol dito, naiintindihan mo ba ang sinabi Ko tungkol sa pagkakakilanlang namamana mo mula sa iyong pamilya? (Oo.) Sabihin mo sa Akin ang tungkol dito. (Diyos ko, may sasabihin ako tungkol dito. Madalas na binibigyan ng espesyal na halaga ng mga tao ang pamilyang sinilangan nila, at ang pagkakakilanlan at katayuan ng kanilang pamilya sa lipunan. May tendensiyang isipin ng mga taong ipinanganak sa isang pamilyang may mababang katayuan sa lipunan na medyo mas mababa sila kaysa sa iba. Pakiramdam nila ay nanggagaling sila sa napakababang pinagmulan, at hindi nila maipagmamalaki ang kanilang sarili sa lipunan, kaya gusto nilang magsikap na pagbutihin ang kanilang katayuan sa lipunan; ang mga ipinanganak sa isang pamilyang medyo may mataas na posisyon at katayuan ay may tendensiyang maging medyo mayabang at mapagmataas, mahilig silang magpasikat, at natural nilang nararamdaman ang pagiging nakatataas. Pero sa totoo lang, ang katayuan ng mga tao sa lipunan ay hindi ang pinakamahalagang bagay, dahil sa harap ng Diyos, ang mga tao ay may pare-parehong pagkakakilanlan at katayuan—lahat sila ay nilikha. Hindi matutukoy ng pagkakakilanlan at katayuan ng isang tao kung mahahangad ba niya ang katotohanan, maisasagawa ang katotohanan, o maliligtas, kaya hindi pwedeng higpitan ng isang tao ang kanyang sarili dahil sa kanyang pagkakakilanlan at katayuan.) Mabuti. Masyadong inaalala ng mga taong hindi naghahangad sa katotohanan ang tungkol sa pagkakakilanlan at katayuan ng isang tao sa lipunan, kaya sa ilang espesyal na sitwasyon, sinasabi nila ang mga bagay tulad ng: “Alam mo si gayo’t ganito sa iglesia namin, may-kaya ang pamilya nila!” Nagniningning ang mga mata nila kapag sinasabi nila ang salitang “may-kaya,” na nagpapahiwatig ng kanilang lubos na mapanaghili at mainggitin na pag-iisip. Ang mga nararamdaman nilang inggit ay tumitindi nang napakatagal hanggang sa puntong nahuhumaling sila sa gayong mga tao at nagsasabing, “O, alam mo, iyong mga tao roon, isang mataas na opisyal ang ama niya, at iyon namang isang iyon ay mahistrado ang ama sa probinsiya, ang ama ng taong iyon ay isang alkalde, at ang ama ng isa pang iyon ay sekretarya sa isang departamento ng gobyerno!” Kapag nakakakita sila ng isang tao na may suot na magagandang damit, o isang taong maganda ang pananamit, o may kaunting karangyaan o kabatiran, o gumagamit ng mga partikular na mamahaling bagay, naiinggit sila at naiisip nila na, “Mayaman ang pamilya nila, tiyak na nakahiga sila sa pera,” at sila ay kinakain ng paghanga at inggit. Sa tuwing pinag-uusapan nila si gayo’t ganito sa pagiging amo ng isang kumpanya, mas pinahahalagahan nila ang pagkakakilanlan ng taong iyon kaysa sa ginagawa nito mismo. Palagi nilang pinag-uusapan ang tungkol sa trabaho ng isang tao kahit na hindi ito binabanggit kailanman ng taong iyon mismo, at ibinoboto pa nga nila ang taong iyon kapag panahon na para maghalal ng lider sa iglesia. Mayroon silang espesyal na damdamin para sa mga taong mas mataas ang katayuan sa lipunan kaysa sa kanila, at pinaglalaanan nila ang mga ito ng espesyal na atensiyon. Palagi nilang sinusubukan na sumipsip sa mga taong iyon, makipaglapit at bolahin ang mga ito, habang kinamumuhian ang kanilang sarili at iniisip na, “Bakit hindi opisyal ang aking ama? Bakit ako ipinanganak sa pamilyang ito? Bakit wala akong magandang masabi tungkol sa pamilya ko? Ang mga pamilyang sinilangan nila ay mga pamilya na alinmang mula sa mga opisyal o mayayamang negosyante, samantalang ang aking pamilya ay walang kahit na ano. Pawang mga ordinaryong tao ang mga kapatid ko, mga magsasakang nag-aararo at lahat ay nasa mababang antas ng lipunan. At mas mabuti na rin kung walang gaanong ikinukuwento tungkol sa mga magulang ko—ni hindi sila nakapag-aral. Sobra itong nakakahiya!” Sa sandaling may sinumang magbanggit sa mga magulang nila, umiiwas sila at sinasabing, “Huwag na nating pag-usapan ang paksang ito, iba na lang ang pag-usapan natin. Pag-usapan natin si ganito-at-ganyan sa iglesia natin. Tingnan mo ang posisyon sa pamamahala na hawak niya, marunong siyang maging lider. Ilang dekada na niya itong ginagawa, walang makakapalit sa kanya. Ang lalaking iyon ay ipinanganak para mamuno. Kung gayon lang din sana ang masasabi tungkol sa atin. Ngayong nananampalataya siya sa Diyos, napakaraming magandang bagay na nangyayari. Isa talaga siyang pinagpalang tao, dahil nasa kanya na ang lahat na gugustuhin ng isang tao sa lipunan, at ngayong nakapasok na siya sa sambahayan ng Diyos, makakapasok na rin siya sa kaharian at magkakaroon ng magandang destinasyon.” Naniniwala sila na kapag pumasok sa sambahayan ng Diyos ang isang opisyal, dapat maging lider ito ng iglesia, at magkaroon ng magandang destinasyon. Sino ang nagpapasya niyon? Sila ba ang may huling salita? (Hindi.) Malinaw na isa itong bagay na sinasabi ng mga hindi mananampalataya. Kung may nakikita silang isang taong may kaunting abilidad at likas na talento, na nananamit nang maayos at nagtatamasa ng magagandang bagay sa buhay, at nagmamaneho ng magandang sasakyan at nakatira sa isang malaking bahay, palagi silang nakikipag-ugnayan sa taong iyon, binobola ito, at sumisipsip dito. Tapos, mayroong iba na pakiramdam nila ay mayroon silang mataas na katayuan at posisyon sa lipunan. Kapag pumapasok sila sa sambahayan ng Diyos, palagi silang humihingi ng mga espesyal na pribilehiyo, nag-uutos sa mga kapatid, at tinatrato nila na parang mga alipin ang mga ito, dahil masyado na nilang nakasanayan na mamuhay bilang isang opisyal. Iniisip ba ng gayong mga tao na mga tauhan nila ang kanilang mga kapatid? Kapag panahon na para maghalal ng lider ng iglesia, kung hindi sila napipili, nagagalit sila at nagsasabing, “Hindi na ako mananampalataya, hindi patas ang sambahayan ng Diyos, hindi nito binibigyan ng pagkakataon ang mga tao, minamaliit ng sambahayan ng Diyos ang mga tao!” Nasanay na sila na maging isang pambihirang opisyal sa labas na mundo, at iniisip na sila ang tunay na kahanga-hanga, kaya kapag pumapasok sila sa sambahayan ng Diyos, palagi nilang sinusubukang mamuno, manguna sa lahat, at manghingi ng mga espesyal na pribilehiyo, at tinatrato nila ang sambahayan ng Diyos tulad ng ginagawa nila sa mundo at lipunan. Marahil sa labas na mundo, ang isang tao ay asawa ng isang pambihirang opisyal, ngunit gusto pa rin niya na ituring siya na tulad ng asawa ng isang opisyal kapag pumapasok siya sa sambahayan ng Diyos, at purihin at sundan siya ng mga tao. Sa mga pagtitipon, kung hindi siya nagagawang batiin ng mga kapatid, nagagalit siya at hindi na dumadalo sa mga pagtitipon, dahil pakiramdam niya ay hindi siya sineseryoso ng mga tao, at na walang kabuluhan ang pananampalataya sa Diyos. Hindi ba’t hindi ito makatwiran? (Oo.) Anuman ang iyong espesyal na pagkakakilanlan sa lipunan, kapag pumasok ka sa sambahayan ng Diyos, mawawala ang iyong espesyal na pagkakakilanlan. Sa harap ng Diyos at sa harap ng katotohanan, ang mga tao ay may iisa lamang na pagkakakilanlan, iyon ay ang pagiging nilikha. Sa labas na mundo, isa ka mang opisyal ng gobyerno o asawa ng isang opisyal, isa ka mang miyembro ng mataas na antas ng lipunan o isang rank-and-file na nagtatrabaho sa opisina, o kung isa ka mang heneral o isang sundalo, mayroon ka lamang na iisang pagkakakilanlan sa sambahayan ng Diyos, iyon ay ang pagiging isang nilikha. Walang espesyal sa iyo, kaya’t huwag kang maghangad ng mga espesyal na pribilehiyo o pasambahin sa iyo ang mga tao. Mayroon pa ring iba na galing sa isang espesyal na Kristiyanong pamilya, o galing sa isang pamilyang nananampalataya sa Panginoon sa loob ng maraming henerasyon. Marahil ay sinanay ang ina nila sa isang seminaryo, at ang ama nila ay isang pastor. Partikular na malugod silang tinatanggap sa komunidad ng relihiyon, at nagtitipon ang mga mananampalataya sa paligid nila. Matapos tanggapin ang yugtong ito ng gawain ng Diyos, nararamdaman pa rin nila na katulad pa rin ng dati ang kanilang pagkakakilanlan, ngunit namumuhay pa rin sila sa isang panaginip! Oras na para huminto sila sa pananaginip at gumising. Hindi mahalaga kung isa kang pastor o lider, kapag pumasok ka sa sambahayan ng Diyos, dapat mong maunawaan ang mga panuntunan ng sambahayan ng Diyos at matutong baguhin ang iyong pagkakakilanlan. Ito ang unang bagay na kailangan mong gawin. Hindi ka isang opisyal na may mataas na ranggo, ni isang rank-and-file na nagtatrabaho sa opisina, hindi ka isang mayamang negosyante, at hindi ka rin naman mahirap at walang pera. Kapag pumasok ka sa sambahayan ng Diyos, isa lang ang iyong pagkakakilanlan, iyon ay ang pagkakakilanlan na ibinigay sa iyo ng Diyos—ang pagiging isang nilikha. Ano ang dapat gawin ng mga nilikha? Hindi mo dapat ipangalandakan ang kasaysayan ng iyong pamilya, o ang katayuan sa lipunan na minana mo mula sa iyong pamilya, hindi mo rin dapat gamitin ang iyong nakatataas na katayuan sa lipunan para manggulo sa sambahayan ng Diyos at maghangad ng mga espesyal na pribilehiyo, at lalong hindi mo dapat gamitin ang karanasang naipon mo sa lipunan, at ang pagiging nakatataas na ipinararamdam sa iyo ng iyong katayuan sa lipunan, para kumilos na tila isang kataas-taasang pinuno sa sambahayan ng Diyos at upang mamahala. Sa halip, sa sambahayan ng Diyos, dapat mong tuparin ang iyong tungkulin bilang isang nilikha, umasal nang wasto, huwag banggitin ang pinagmulan ng iyong pamilya, huwag magkimkim ng anumang pakiramdam ng pagiging nakatataas, at hindi ka rin dapat magkaroon ng pakiramdam ng pagiging mas mababa; hindi mo kailangang maramdaman na mas mababa ka, o maramdaman na mas nakatataas ka. Sa madaling salita, kailangang masunurin mong gagawin nang maayos ang dapat gawin ng isang nilikha, at gampanan nang maayos ang tungkulin na dapat gampanan ng isang nilikha. Sinasabi ng ilang tao na: “Ibig bang sabihin niyan ay kailangan kong pigilan ang sarili ko at iwasang makakuha ng atensiyon?” Hindi, hindi mo kailangang pigilan ang iyong sarili o iwasang makakuha ng atensiyon, hindi mo kailangang maging sunud-sunuran at lalong hindi mo kailangang magmataas at magmalaki. Hindi mo kailangang subukang mamukod-tangi, hindi mo kailangang magpanggap, at hindi mo kailangang makipagkasundo para lang mapanatiling masaya ang lahat. Tinatrato ng Diyos ang mga tao nang patas at makatarungan, dahil ang Diyos ang katotohanan. Maraming sinabing salita ang Diyos sa mga tao at gumawa ng maraming kahilingan, at sa huli, ang hinihingi Niya ay gampanan mo nang maayos ang iyong tungkulin bilang isang nilikha, at gawin ang lahat ng bagay na dapat gawin nang maayos ng isang nilikha. Sa pagharap sa usaping ito ng pagkakakilanlang namamana ng mga tao mula sa kanilang pamilya, kinakailangan mo ring tingnan ang mga tao at bagay, umasal at kumilos batay sa mga salita ng Diyos at gamit ang katotohanan bilang pamantayan, sa halip na ipangalandakan ang pakiramdam ng pagiging nakatataas na inihatid sa iyo ng iyong pamilya. At siyempre, kung nanggagaling ka sa isang dehadong pamilya, hindi mo kailangang hayagang magsalita at magtapat sa lahat tungkol sa kung gaano ito kapangit. Sinasabi ng ibang tao na: “Hinihingi ba ng sambahayan ng Diyos na ‘Huwag nating tanungin ang isang bayani tungkol sa kanyang pinanggalingan’?” Ang kasabihan bang ito ay ang katotohanan? (Hindi.) Ang kasabihang ito ay hindi ang katotohanan, kaya hindi mo kailangang sukatin ang anumang bagay base sa kasabihang ito, o gamitin ito bilang pamantayan sa pagsunod sa mga hinihingi ng Diyos sa iyo. Tungkol sa pagkakakilanlang namamana mo mula sa iyong pamilya, ang hinihingi sa iyo ng Diyos ay gampanan mo ang iyong tungkulin. Sa harap ng Diyos, ang tanging pagkakakilanlan mo ay ang pagiging isang nilikha, kaya’t dapat mong bitiwan ang mga bagay na makakaapekto sa iyong pagiging mabuting nilikha, o makakapigil sa iyo na gawin ito. Hindi mo dapat bigyan ng puwang ang mga bagay na ito sa puso mo, o masyadong pahalagahan ang mga ito. Pagdating man sa mga hitsura o saloobin, dapat mong bitiwan ang partikular na pagkakakilanlan na namamana mo mula sa iyong pamilya. Ano ang tingin mo roon? Magagawa ba ito? (Oo.) Marahil ay nagmana ka ng isang marangal na pagkakakilanlan mula sa iyong pamilya, o marahil ay sinisira ng pinagmulan ng iyong pamilya ang iyong pagkakakilanlan. Anuman ang mangyari, umaasa Ako na lalayo ka mula roon, seseryosohin ang bagay na ito, at pagkatapos, kapag nahaharap ka sa ilang partikular na sitwasyon, at naaapektuhan ng mga bagay na ito ang pagtupad sa iyong tungkulin, at naiimpluwensiyahan ang iyong pagtrato sa mga tao, at naaapektuhan ang iyong mga tamang prinsipyo sa pagharap sa mga bagay-bagay, at ang iyong mga prinsipyo sa pakikisalamuha sa iba, umaasa Ako na hindi ka na magpapaimpluwensiya sa pagkakakilanlang minana mo mula sa iyong pamilya, at tatratuhin mo ang lahat ng tao at pangangasiwaan ang lahat ng bagay nang tama. Halimbawa, sabihin nating mayroong isang tao sa iglesia na palaging pabaya sa kanyang tungkulin at patuloy na nakagagambala. Paano mo siya dapat iwasto? Sinusubukan mong lutasin ito, iniisip na, “Kailangan ko siyang pungusan, dahil kung hindi, maaapektuhan nito ang gawain ng iglesia.” Kaya naman naghanda kang pungusan siya. Pero hindi siya pumapayag, at nakakaisip ng napakaraming dahilan. Hindi ka natatakot sa kanya, kaya’t patuloy kang nakikipagbahaginan at sa kanya at pinupungusan mo siya. Sabi niya, “Kilala mo ba kung sino ako?” at ang sagot mo ay, “Ano ang pakialam ko kung sino ka?” Sabi niya: “Ang asawa ko ang amo ng asawa mo. Kung pahihirapan mo ako ngayon, magkakaproblema ang asawa mo.” Sasagot ka ng: “Ito ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Kung hindi mo ito gagawin nang maayos at patuloy kang manggagambala, tatanggalin kita sa iyong tungkulin.” Kaya, sasabihin niyang, “Anu’t anuman, sinabi ko na kung ano ang mangyayari. Ikaw ang bahala kung ano ang dapat gawin!” Ano ang ibig niyang sabihin sa “ikaw ang bahala”? Sinasabi niya sa iyo na kung mangangahas kang tanggalin siya, sisisantehin niya ang asawa mo. Sa puntong ito, iniisip mo, “May malakas na kapit ang babaeng ito, hindi nakapagtatakang palagi siyang mayabang magsalita,” kaya, babaguhin mo ang iyong tono at sasabihing: “Buweno, papalampasin ko ito sa ngayon, pero sa susunod ay hindi na! Hindi ko sinasadya ang sinabi ko, lahat iyon ay para lamang sa kapakanan ng gawain ng iglesia. Lahat tayo ay magkakapatid na nananampalataya sa Diyos, lahat tayo ay iisang pamilya. Isipin mo, ako ang lider ng iglesia, paanong hindi ko aakuin ang responsabilidad para rito? Kung hindi ako umaako ng responsibilidad, hindi sana ninyo ako inihalal, hindi ba?” Sinusubukan mong ayusin ang mga bagay-bagay. Mayroon bang anumang prinsipyo sa likod nito? Naglaho ang pananggalang na nasa kaibuturan ng puso mo, hindi ka na naglalakas-loob na kumapit sa mga prinsipyo, at sumusuko ka na. Hindi ba’t ganito ang nangyayari? (Oo.) Kaya, hinahayaan mo na lang siyang makawala sa kasalanan. Ikinahihiya mo na ang iyong pagkakakilanlan ay hindi kasing-rangal ng sa kanya, at na mas mataas ang kanyang katayuan sa lipunan kaysa sa iyo, kaya’t pakiramdam mo ay obligado kang hayaan ang sarili mo na magpakontrol sa kanya at sumunod sa kanya. Bagamat pareho kayong nananampalataya sa Diyos, hinahayaan mo pa rin na gipitin ka niya. Kung hindi mo kayang tanggalin ang impluwensiyang idinudulot sa iyo ng katayuan sa lipunan, hindi mo maitataguyod ang mga prinsipyo, hindi mo maisasagawa ang katotohanan, at hindi ka magiging tapat sa harap ng Diyos. Kung hindi ka tapat sa Diyos, tatanggapin ka ba ng Diyos? Magtitiwala ba sa iyo ang Diyos? Ipagkakatiwala pa rin ba Niya sa iyo ang mahahalagang gawain? Para sa Kanya, magiging isa kang taong hindi mapagkakatiwalaan, dahil sa kritikal na sandali, ipinagkanulo mo ang mga interes ng sambahayan ng Diyos upang protektahan ang sarili mong mga interes. Sa kritikal na sandali, natakot ka sa masasamang puwersa na nagmumula sa lipunan at mula kay Satanas, na nagiging dahilan para ipagkanulo mo ang mga interes ng sambahayan ng Diyos at nabigo kang panindigan ang iyong patotoo. Ito ay isang matinding paglabag at isang tanda ng pagdala ng kahihiyan sa Diyos. Bakit ganoon? Dahil nang gawin mo ito, ipinagkanulo mo ang pagkakakilanlan mo bilang isang isang nilikha, at nilabag ang prinsipyong ito ng paggawa ng kung ano ang dapat gawin ng isang nilikha. Sa pangangasiwa ng bagay na ito, hinayaan mo ang iyong sarili na maimpluwensiyahan ng iyong katayuan at pagkakakilanlan sa lipunan. Sa pagharap sa anumang isyu, kung hindi mo kayang bitiwan ang mga negatibong impluwensiyang nilikha ng pagkakakilanlang minana mo mula sa iyong pamilya, maaaring tumutugon ka sa mga isyung ito sa pamamagitan ng paggawa ng mga hindi inaasahang bagay. Sa isang punto, malalabag mo ang katotohanan dahil sa mga bagay na ito, at sa isa pang punto, lubusan kang maguguluhan dahil sa mga ito, hindi alam kung ano ang gagawing mga pagpapasya. Dahil dito, madali kang hahantong sa paglabag at pagsisisi, upang sa harap ng Diyos ay madudungisan ka at maituturing na isang taong hindi mapagkakatiwalaan na lumabag sa prinsipyong ikinintal ng Diyos sa sangkatauhan—iyon ay ang gampanan nang maayos ang tungkulin ng isang tao bilang isang nilikha, at gumawa gaya ng dapat gawin ng isang nilikha. Isipin mo, medyo maliit lang ang bagay na ito pero napakamakabuluhan din, hindi ba? (Oo.)
Kababahagi Ko lang ngayon tungkol sa pagbitiw sa pagkakakilanlang namamana mo mula sa iyong pamilya. Madali bang gawin ito? (Oo, madali itong gawin.) Madali ba itong gawin? Sa mga anong sitwasyon makakaapekto at makakaabala sa iyo ang usaping ito? Kapag wala kang tama at tunay na pagkaunawa sa bagay na ito, sa isang partikular na uri ng kapaligiran, maiimpluwensiyahan ka nito, at maaapektuhan nito ang abilidad mo na magampanan nang maayos ang iyong tungkulin, at maaapektuhan ang iyong mga pamamaraan sa pangangasiwa ng mga bagay-bagay at sa mga kalalabasan. Samakatuwid, pagdating sa pagkakakilanlan na namamana mo mula sa pamilya, dapat mo itong tratuhin nang tama, at hindi magpaimpluwensiya o magpakontrol dito, kundi sa halip ay tingnan ang mga tao at mga bagay, at umasal at kumilos nang normal ayon sa mga pamamaraang ibinibigay ng Diyos sa mga tao. Sa gayong paraan, magkakaroon ka ng saloobin at mga prinsipyong dapat taglayin ng isang katanggap-tanggap na nilikha pagdating sa aspektong ito. Pagkatapos, magbabahaginan tayo tungkol sa pagbitiw sa mga epekto ng pagkokondisyon ng iyong pamilya sa iyo. Sa lipunang ito, ang mga prinsipyo ng mga tao sa pakikitungo sa mundo, ang kanilang mga pamamaraan sa pamumuhay at pag-iral, at maging ang kanilang mga saloobin at kuru-kuro sa relihiyon at pananampalataya, pati na rin ang kanilang iba’t ibang kuru-kuro at pananaw sa mga tao at bagay—ang lahat ng ito ay hindi maiiwasang kinokondisyon ng pamilya. Bago maunawaan ng mga tao ang katotohanan—gaano man sila katanda, o anuman ang kasarian nila, o anumang hanapbuhay ang ginagawa nila, o anumang uri ng saloobin mayroon sila sa lahat ng bagay, labis-labis man ito o makatwiran—sa madaling salita, sa lahat ng bagay, lubos na naiimpluwensiyahan ng pamilya ang mga kaisipan at pananaw ng mga tao, at ang kanilang mga saloobin sa mga bagay-bagay. Ibig sabihin, ang iba’t ibang epekto ng pagkokondisyon na ginagamit ng pamilya sa isang tao ang pangunahing nagtatakda sa saloobin ng taong iyon sa mga bagay at sa kanyang pamamaraan ng pagharap sa mga ito, pati na rin sa kanyang pananaw sa pag-iral, at nakakaapekto ito maging sa kanyang pananampalataya. Sapagkat napakalaki ng epekto ng mga kondisyon ng pamilya sa mga tao, hindi maiiwasang pamilya ang pinag-uugatan ng mga pamamaraan at prinsipyo ng mga tao sa pagharap sa mga bagay, pati na rin ng kanilang pananaw sa pag-iral, at ng kanilang mga pananaw sa pananampalataya. Sapagkat ang mismong tahanan ng pamilya ay hindi ang lugar kung saan lumilitaw ang katotohanan, at hindi rin ang pinagmumulan ng katotohanan, tunay na may isang puwersa lamang na nag-uudyok o isang layon na nagtutulak sa iyong pamilya na ikondisyon sa iyo ang anumang ideya, pananaw, o pamamaraan ng pag-iral—iyon ay ang kumilos para sa kapakanan mo. Ang mga bagay na ito ay para sa sarili mong kapakanan, hindi na mahalaga kung kanino nagmumula ito—magmula man ito sa iyong mga magulang, lolo at lola, o mula sa iyong mga ninuno—sa madaling salita, ang lahat ng ito ay para bigyan ka ng kakayahang ipagtanggol ang sarili mong mga interes sa lipunan at sa paligid ng iba, upang hindi ka maapi, at upang bigyan ka ng kakayahang mamuhay kasama ang mga tao sa isang paraang mas malaya at diplomatiko, at upang maprotektahan ang sarili mong mga interes hangga’t maaari. Ang pagkokondisyong natatanggap mo mula sa iyong pamilya ay naglalayong protektahan ka, para hindi ka maapi o makaranas ng anumang pagkapahiya, at gawin kang mas magaling kaysa sa iba, kahit na nangangahulugan iyon ng pang-aapi sa iba o pananakit sa iba, basta’t hindi ka mismo napapahamak. Ito ang ilan sa mga pinakamahalagang bagay na ikinokondisyon sa iyo ng iyong pamilya, at ang mga ito rin ang diwa at pangunahing layon sa likod ng lahat ng ideya na ikinokondisyon sa iyo. Hindi ba’t ganito ang nangyayari? (Oo.) Kung isasaalang-alang mo ang layon at diwa ng lahat ng bagay na ikinondisyon sa iyo ng iyong pamilya, mayroon bang anumang bagay na naaayon sa katotohanan? Kahit na talagang naaayon ang mga bagay na ito sa etika o mga lehitimong karapatan at interes ng sangkatauhan, mayroon bang anumang koneksiyon ang mga ito sa katotohanan? Ang mga ito ba ang katotohanan? (Hindi.) Masasabi nang may buong katiyakan na ang mga ito ay talagang hindi ang katotohanan. Gaano man kapositibo at kalehitimo, kamakamundo, at ka-etikal ang mga bagay na ikinokondisyon sa iyo ng iyong pamilya, hindi ito ang katotohanan, ni hindi maaaring kumatawan ang mga ito sa katotohanan, at lalong hindi mapapalitan ng mga ito ang katotohanan. Samakatuwid, pagdating sa paksa ng pamilya, ang mga bagay na ito ay isa pang aspekto na dapat bitiwan ng mga tao. Ano ang partikular na aspektong ito? Ito ay ang mga epekto ng pagkokondisyon ng iyong pamilya sa iyo—ito ang pangalawang aspekto na dapat mong bitiwan pagdating sa paksa ng pamilya. Dahil tinatalakay natin ang mga epekto ng pagkokondisyon ng iyong pamilya sa iyo, pag-usapan muna natin kung ano mismo itong mga epekto ng pagkokondisyon. Kung tutukuyin natin ang pagkakaiba ng mga ito ayon sa konsepto ng mga tao ng tama at mali, ang ilan ay medyo tama, positibo, at kaaya-ayang tingnan, at maaaring ihayag, samantalang ang ilan ay medyo makasarili, kasuklam-suklam, ubod ng sama, medyo negatibo, at wala nang iba pa. Subalit, anuman ang mangyari, itong mga epekto ng pagkokondisyon mula sa pamilya ay katulad ng isang patong ng kasuotan na nagpoprotekta sa mga interes ng laman ng isang tao, pinangangalagaan ang kanilang dignidad kasama ng iba, at iniiwasan na maapi sila. Hindi ba’t totoo? (Oo.) Pag-usapan natin kung ano ang mga epekto ng pagkokondisyon sa iyo ng iyong pamilya. Halimbawa, kapag madalas sabihin sa iyo ng mga nakatatanda sa pamilya na “Kailangan ng mga tao ang kanilang pagpapahalaga sa sarili, tulad ng pangangailangan ng puno sa balakbak nito,” ito ay para bigyan mo ng halaga ang pagkakaroon ng magandang reputasyon, pagkakaroon ng maipagmamalaking buhay, at hindi paggawa ng mga bagay na magdudulot sa iyo ng kahihiyan. Kung gayon, ginagabayan ba ng kasabihang ito ang mga tao sa positibo o negatibong paraan? Maaakay ka ba nito tungo sa katotohanan? Maaakay ka ba nito na maunawaan ang katotohanan? (Hindi.) May buong katiyakan mong masasabi na, “Hindi, hindi nito magagawa!” Isipin mo, sinasabi ng Diyos na dapat umasal ang mga tao bilang matatapat na tao. Kapag lumabag ka, o may nagawa kang mali, o may nagawa kang isang bagay na naghihimagsik laban sa Diyos at sumusuway sa katotohanan, kailangan mong aminin ang iyong pagkakamali, maunawaan ang iyong sarili, at patuloy na suriin ang iyong sarili para tunay na makapagsisi, at pagkatapos ay kumilos nang naaayon sa mga salita ng Diyos. Kaya, kung aasal ang mga tao bilang matatapat na tao, sumasalungat ba iyon sa kasabihang “Kailangan ng mga tao ang kanilang pagpapahalaga sa sarili, tulad ng pangangailangan ng puno sa balakbak nito”? (Oo.) Paanong sumasalungat ito? Ang layon ng kasabihang “Kailangan ng mga tao ang kanilang pagpapahalaga sa sarili, tulad ng pangangailangan ng puno sa balakbak nito” ay para bigyang-halaga ng mga tao ang pagsasabuhay ng kanilang maliwanag at makulay na parte ng pagkatao at ang paggawa ng maraming bagay na magpapamukha sa kanilang kanais-nais sila—sa halip na gumawa ng mga bagay na masama o kahiya-hiya, o magpakita ng kanilang pangit na pagkatao—at upang maiwasan na mamuhay sila nang walang pagpapahalaga sa sarili o dignidad. Para sa kapakanan ng reputasyon ng isang tao, para sa pagpapahalaga sa sarili at karangalan, hindi pwedeng siraan ng isang tao ang lahat ng tungkol sa kanya, lalo na ang sabihin sa iba ang tungkol sa madilim na parte at mga kahiya-hiyang aspekto ng isang tao, dahil ang isang tao ay dapat mamuhay nang may pagpapahalaga sa sarili at dignidad. Upang magkaroon ng dignidad, kailangan ng isang tao ng magandang reputasyon, at para magkaroon ng magandang reputasyon, kailangang magkunwari ng isang tao at pagmukhaing kanais-nais ang sarili. Hindi ba’t sumasalungat ito sa pag-asal bilang isang matapat na tao? (Oo.) Kapag umasal ka bilang isang matapat na tao, ang mga ginagawa mo ay ganap na salungat sa kasabihang “Kailangan ng mga tao ang kanilang pagpapahalaga sa sarili, tulad ng pangangailangan ng puno sa balakbak nito.” Kung nais mong umasal bilang isang matapat na tao, huwag mong bigyang-importansiya ang pagpapahalaga sa sarili; ang pagpapahalaga sa sarili ng isang tao ay walang kabuluhan. Sa harap ng katotohanan, dapat ilantad ng isang tao ang sarili, hindi magkunwari o gumawa ng huwad na imahe. Dapat ihayag ng isang tao sa Diyos ang tunay niyang mga kaisipan, ang mga pagkakamaling nagawa niya, ang mga aspektong lumalabag sa mga katotohanang prinsipyo, at iba pa, at ilantad din ang mga bagay na ito sa mga kapatid. Hindi ito isang usapin ng pamumuhay para sa sariling reputasyon, sa halip, ito ay isang usapin ng pamumuhay para umasal bilang isang matapat na tao, pamumuhay para sa paghahangad sa katotohanan, pamumuhay para maging isang tunay na nilikha, at pamumuhay para palugurin ang Diyos, at para maligtas. Ngunit kapag hindi mo nauunawaan ang katotohanang ito, at hindi mo nauunawaan ang layunin ng Diyos, ang mga bagay na ikinokondisyon sa iyo ng iyong pamilya ay may tendensiyang mangibabaw. Kaya, kapag may nagagawa kang mali, pinagtatakpan mo ito at nagpapanggap ka, iniisip na, “Hindi ako pwedeng magsalita ng anumang tungkol dito, at hindi ko rin papayagan na may sabihing kahit ano ang sinumang nakakaalam ng tungkol dito. Kung magsasalita ang sinuman sa inyo, hindi ko kayo basta-bastang palalampasin. Ang reputasyon ko ang pangunahing priyoridad. Walang kabuluhan ang mabuhay kung hindi ito para sa sariling reputasyon, dahil mas mahalaga ito kaysa anupaman. Kung mawawalan ng reputasyon ang isang tao, mawawala ang lahat ng kanyang dignidad. Kaya’t hindi ka maaaring maging prangka, kailangan mong magpanggap, kailangan mong pagtakpan ang mga bagay-bagay, kung hindi, mawawalan ka ng reputasyon at dignidad, at mawawalan ng saysay ang buhay mo. Kung walang rumerespeto sa iyo, wala kang kwenta at walang silbi kung gayon.” Posible bang umasal bilang isang matapat na tao sa pamamagitan ng pagsasagawa sa ganitong paraan? Posible bang maging ganap na bukas at suriin ang iyong sarili? (Hindi.) Malinaw na sa paggawa nito, sumusunod ka sa kasabihang “Kailangan ng mga tao ang kanilang pagpapahalaga sa sarili, tulad ng pangangailangan ng puno sa balakbak nito” na ikinondisyon ng iyong pamilya sa iyo. Gayunpaman, kung bibitiwan mo ang kasabihang ito para mahangad ang katotohanan at maisagawa ang katotohanan, hindi ka na maaapektuhan nito, at hindi mo na ito magiging salawikain o prinsipyo sa paggawa ng mga bagay-bagay, at sa halip, ang gagawin mo ay ang mismong kabaligtaran ng kasabihang ito na “Kailangan ng mga tao ang kanilang pagpapahalaga sa sarili, tulad ng pangangailangan ng puno sa balakbak nito.” Hindi ka na mamumuhay para sa iyong reputasyon, o para sa iyong dignidad, kundi sa halip, mamumuhay ka para sa paghahangad sa katotohanan, at pag-asal bilang isang matapat na tao, at paghahangad na mapalugod ang Diyos at mamuhay bilang isang tunay na nilikha. Kung susundin mo ang prinsipyong ito, kakailanganin mong bitiwan ang mga epekto ng pagkokondisyon ng iyong pamilya sa iyo.
Kinokondisyon ng pamilya ang mga tao gamit ang hindi lamang isa o dalawang kasabihan, kundi napakaraming sikat na kasabihan at talinghaga. Halimbawa, madalas bang binabanggit ng mga nakatatanda sa iyong pamilya at ng iyong mga magulang ang kasabihang “Iniiwan ng tao ang kanyang pangalan saanman siya maglagi, tulad ng pagputak ng gansa saanman ito lumipad”? (Oo.) Sinasabi nila sa iyo: “Dapat mamuhay ang mga tao para sa kapakanan ng kanilang reputasyon. Walang ibang hinahangad ang mga tao sa buhay nila, maliban sa gumawa ng magandang reputasyon sa iba at magbigay ng magandang impresyon. Saan ka man magpunta, magbigay ka ng mas maraming pagbati, magiliw na komento, at papuri, at magsabi ng mas maraming mabuting salita. Huwag pasamain ang loob ng mga tao, sa halip ay gumawa ng mas maraming mabuting bagay at kilos.” Itong partikular na epekto ng pagkokondisyon ng pamilya ay may tiyak na epekto sa pag-uugali o mga prinsipyo ng pag-asal ng mga tao, na may hindi maiiwasang kahihinatnan kung saan binibigyang-halaga nila ang kasikatan at pakinabang. Ibig sabihin, binibigyang-halaga nila ang kanilang sariling reputasyon, katanyagan, ang impresyong nililikha nila sa isipan ng mga tao, at ang pagtingin ng iba sa lahat ng kanilang ginagawa at bawat opinyon na kanilang ipinapahayag. Sa lubos na pagpapahalaga sa kasikatan at pakinabang, hindi sinasadyang nabibigyan mo ng kaunting halaga kung naaayon ba sa katotohanan at mga prinsipyo ang tungkuling ginagampanan mo, kung napapalugod mo ba ang Diyos, at kung sapat mong natutupad ang iyong tungkulin. Itinuturing mo ang mga bagay na ito bilang hindi gaanong mahalaga at mas mababang priyoridad, samantalang ang kasabihang “Iniiwan ng tao ang kanyang pangalan saanman siya maglagi, tulad ng pagputak ng gansa saanman ito lumipad,” na ikinondisyon sa iyo ng iyong pamilya, ay nagiging napakahalaga sa iyo. Dahil dito, labis mong binibigyang-pansin kung paano pumapasok sa isipan ng mga tao ang bawat detalye ng iyong sarili. Sa partikular, binibigyan ng espesyal na atensiyon ng ilang tao kung ano talaga ang tingin ng ibang tao sa kanila kapag nakatalikod sila, hanggang sa puntong nakikinig sila nang palihim, nakikinig sa mga kalahating-bukas na pinto, at panakaw pa ngang sumusulyap sa kung ano ang isinusulat ng ibang tao tungkol sa kanila. Sa sandaling may bumanggit sa pangalan nila, iniisip nila na, “Kailangan kong magmadali at pakinggan kung ano ang sinasabi nila tungkol sa akin, at kung mayroon ba silang magandang opinyon tungkol sa akin. Naku, sinabi nilang tamad ako at na gusto kong kumain ng masasarap na pagkain. Kung gayon, dapat akong magbago, hindi ako pwedeng magpakatamad sa hinaharap, dapat akong maging masipag.” Matapos magsipag nang ilang panahon, iniisip nila, “Pinakikinggan ko kung sinasabi ba ng lahat na tamad ako, at tila walang nagsabi nito kamakailan.” Ngunit hindi pa rin sila mapalagay, kaya’t pasimple nila itong binabanggit sa kanilang mga pakikipag-usap sa mga nakapaligid sa kanila, sinasabing: “Medyo tamad ako.” At tumutugon ang iba ng: “Hindi ka tamad, mas masipag ka na ngayon kaysa sa dati.” Dahil dito, agad silang napapanatag, lubos na nagagalak, at gumiginhawa ang pakiramdam. “Tingnan mo nga naman, nagbago na ang opinyon ng lahat sa akin. Mukhang napansin ng lahat ang pagbuti ng ugali ko.” Ang lahat ng ginagawa mo ay hindi para maisagawa ang katotohanan, ni hindi para mapalugod ang Diyos, sa halip, ito ay para sa sarili mong reputasyon. Sa ganitong paraan, ano ang nagiging matagumpay na resulta ng lahat ng iyong ginagawa? Ito ay matagumpay na nagiging isang relihiyosong gawain. Ano ang nangyari sa iyong diwa? Naging tipikal na modelo ka ng isang Pariseo. Ano ang nangyari sa landas mo? Ito ay naging landas ng mga anticristo. Ganyan ito binibigyang-kahulugan ng Diyos. Kaya, ang diwa ng lahat ng iyong ginagawa ay nabahiran, hindi na ito pareho; hindi mo isinasagawa ang katotohanan o hinahangad ito, sa halip ay hinahangad mo ang kasikatan at pakinabang. Sa huli, kung ang Diyos ang tatanungin, ang pagganap ng iyong tungkulin—sa isang salita—ay hindi sapat. Bakit ganoon? Dahil nakatuon ka lamang sa sarili mong reputasyon, sa halip na sa ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos, o sa iyong tungkulin bilang isang nilikha. Ano ang nararamdaman mo sa puso mo kapag nagbibigay ang Diyos ng gayong kahulugan? Na ang iyong pananampalataya sa Diyos sa lahat ng taon na ito ay naging walang saysay? Ibig bang sabihin niyon hindi mo talaga hinahangad ang katotohanan? Hindi mo hinahangad ang katotohanan, sa halip ay binibigyan mo ng espesyal na atensiyon ang sarili mong reputasyon, at ang pinag-uugatan nito ay ang mga epekto ng pagkokondisyon na nagmumula sa iyong pamilya. Alin ang pinakanangingibabaw na kasabihang ikinondisyon sa iyo? Ang kasabihang, “Iniiwan ng tao ang kanyang pangalan saanman siya maglagi, tulad ng pagputak ng gansa saanman ito lumipad,” ay malalim nang nakaugat sa puso mo at naging salawikain mo na ito. Naimpluwensiyahan at nakondisyon ka ng kasabihang ito mula noong bata ka pa, at maging paglaki mo ay madalas mong inuulit ang kasabihang ito para maimpluwensiyahan ang susunod na henerasyon ng iyong pamilya at ang mga taong nakapaligid sa iyo. Siyempre, ang mas malala pa ay pinanghawakan mo ito bilang iyong pamamaraan at prinsipyo sa pag-asal at pagharap sa mga bagay-bagay, at bilang layon at direksiyon pa nga na hinahangad mo sa buhay. Ang layon at direksiyon mo ay mali, kaya naman tiyak na negatibo ang huling kalalabasan. Sapagkat ang diwa ng lahat ng ginagawa mo ay para lamang sa iyong reputasyon, at para lamang isagawa ang kasabihang “Iniiwan ng tao ang kanyang pangalan saanman siya maglagi, tulad ng pagputak ng gansa saanman ito lumipad.” Hindi mo hinahangad ang katotohanan, at ikaw mismo ay hindi alam iyon. Sa tingin mo ay walang mali sa kasabihang ito, dahil hindi ba’t dapat mamuhay ang mga tao para sa kapakanan ng kanilang reputasyon? Tulad ng karaniwang kasabihan na, “Iniiwan ng tao ang kanyang pangalan saanman siya maglagi, tulad ng pagputak ng gansa saanman ito lumipad.” Ang kasabihang ito ay tila napakapositibo at marapat, kaya hindi mo namamalayang tinatanggap mo ang epekto ng pagkokondisyon nito at itinuturing ito bilang isang positibong bagay. Sa sandaling ituring mo ang kasabihang ito bilang isang positibong bagay, hindi mo namamalayang hinahangad at isinasagawa mo ito. Kasabay nito, hindi mo namamalayan at nalilitong napagkakamalan mo ito bilang ang katotohanan at bilang isang pamantayan ng katotohanan. Kapag itinuring mo ito bilang isang pamantayan ng katotohanan, hindi ka na nakikinig sa sinasabi ng Diyos, at hindi mo na rin nauunawaan ito. Pikit-mata mong isinasagawa ang salawikaing ito, “Iniiwan ng tao ang kanyang pangalan saanman siya maglagi, tulad ng pagputak ng gansa saanman ito lumipad,” at kumikilos ka alinsunod dito, at sa huli, ang nakukuha mo roon ay isang magandang reputasyon. Nakamit mo ang nais mong makamit, ngunit sa paggawa nito ay nalabag at natalikuran mo ang katotohanan, at nawalan ka ng pagkakataong maligtas. Ipagpalagay na ito ang huling kalalabasan, dapat mong bitiwan at talikuran ang ideya na “Iniiwan ng tao ang kanyang pangalan saanman siya maglagi, tulad ng pagputak ng gansa saanman ito lumipad,” na ikinondisyon sa iyo ng iyong pamilya. Hindi ito isang bagay na dapat mong panghawakan, ni hindi ito isang kasabihan o ideya na dapat mong pag-ukulan ng panghabambuhay na pagsisikap at lakas sa pagsasagawa. Ang ideya at pananaw na ito na ikinikintal at ikinokondisyon sa iyo ay mali, kaya dapat lang na bitiwan mo ito. Ang dahilan kung bakit dapat mo itong bitiwan ay hindi lamang sa hindi ito ang katotohanan, kundi dahil ililigaw ka nito at sa huli ay hahantong sa iyong pagkawasak, kaya’t napakaseryoso ng mga kahihinatnan. Para sa iyo, hindi ito isang simpleng kasabihan lamang, kundi isang kanser—isang pamamalakad at pamamaraan na nagtitiwali sa mga tao. Dahil sa mga salita ng Diyos, sa lahat ng hinihingi Niya sa mga tao, hindi kailanman hiniling ng Diyos sa mga tao na maghangad ng isang magandang reputasyon, o maghangad ng katanyagan, o gumawa ng magandang impresyon sa mga tao, o magtamo ng pagsang-ayon sa mga tao, o kumuha ng pahintulot mula sa mga tao, ni hindi Siya naghikayat na mamuhay ang mga tao para sa kasikatan o para mag-iwan ng magandang reputasyon. Nais lamang ng Diyos na gampanan nang maayos ng mga tao ang kanilang tungkulin, at magpasakop sila sa Kanya at sa katotohanan. Samakatuwid, patungkol sa iyo, ang kasabihang ito ay isang uri ng pagkokondisyong mula sa iyong pamilya na dapat mong bitiwan.
May isa pang epekto ng pagkokondisyon ang iyong pamilya sa iyo. Halimbawa, kapag hinihikayat ka ng mga magulang o nakatatanda, madalas nilang sinasabi na “Kailangan mong pagtiisan ang matinding pagdurusa upang manguna.” Sa pagsasabi nila nito, ang layon nila ay ang turuan kang magtiis ng pagdurusa, maging masipag at magtiyaga, at huwag matakot na magdusa sa anumang ginagawa mo, dahil tanging yaong mga nagtitiis ng pagdurusa, lumalaban sa paghihirap, nagsusumikap, at nagtataglay ng katapangan ang maaaring manguna. Ano ang ibig sabihin ng “manguna”? Ibig sabihin nito ay hindi inaapi, o minamaliit, o dinidiskrimina; nangangahulugan ito ng pagkakaroon ng mataas na katanyagan at katayuan sa gitna ng mga tao, pagkakaroon ng awtoridad na makapagsalita at mapakinggan, at awtoridad na makapagpasya; ito ay nangangahulugan ng pagkakaroon ng kakayahang mamuhay nang mas maganda at mas mataas ang kalidad bukod sa iba at tinitingala ng mga tao, hinahangaan ka, at naiinggit sa iyo. Talagang nangangahulugan lang ito na ikaw ay nasa mataas na antas ng buong sangkatauhan. Ano ang ibig sabihin ng “mataas na antas”? Nangangahulugan ito na maraming tao ang nasa paanan mo at hindi mo kailangang magtiis ng anumang pagmamaltrato mula sa kanila—ito ang ibig sabihin ng “manguna.” Upang manguna, kailangan mong “tiisin ang matinding pagdurusa,” na nangangahulugang dapat mong makayanan ang pagdurusa na hindi kaya ng iba. Kaya bago ka maaaring manguna, dapat matiis mo ang mga mapanghamak na tingin, pangungutya, panunuya, paninirang-puri, gayundin ang kawalan ng pang-unawa ng iba, at maging ang kanilang pang-uuyam, at iba pa. Dagdag pa sa pisikal na pagdurusa, dapat mong matiis ang panunuya at pangungutya ng opinyon ng madla. Tanging sa pamamagitan ng pagkakatuto na maging ganitong uri ng tao ka makapamumukod-tangi sa gitna ng mga tao, at magkakaroon ng puwesto sa lipunan. Ang interes ng kasabihang ito ay para gawing nakatataas ang mga tao kaysa maging nakabababa, dahil napakahirap na maging nakabababa—kailangan mong tiisin ang pagmamaltrato, pakiramdam mo ay wala kang silbi, at wala kang dignidad o dangal. Isa rin itong epekto ng pagkokondisyon sa iyo ng iyong pamilya, na may layong kumilos para sa ikabubuti mo. Ginagawa ito ng iyong pamilya para hindi mo kailangang magtiis sa pagmamaltrato ng iba, at para magkaroon ka ng kasikatan at awtoridad, makakain nang maayos at mapasaya ang sarili, at para kahit saan ka man magpunta, walang mangangahas na mang-api sa iyo, at sa halip ay maaari kang kumilos katulad ng isang diktador at magdesisyon, at lahat ay yuyuko at susunod sa iyo. Sa isang punto, sa paghahangad na maging mas magaling kaysa sa iba, ginagawa mo ito para sa sarili mong pakinabang, at sa isa pang punto, ginagawa mo rin ito para palakasin ang katayuan ng iyong pamilya sa lipunan at bigyan ng karangalan ang iyong mga ninuno, upang makinabang din ang iyong mga magulang at kapamilya mula sa pagkakaugnay sa iyo at para hindi sila magdusa ng pagmamaltrato. Kung nagtiis ka ng matinding paghihirap at nagawa mong manguna sa pamamagitan ng pagiging isang mataas na opisyal na may magandang kotse, may marangyang bahay at mga tauhang pumapaligid sa iyo, makikinabang din ang iyong pamilya sa pagkakaugnay nila sa iyo, at ang mga kapamilya mo ay makapagmamaneho rin ng magagandang sasakyan, makakakain nang maayos, at makapamumuhay nang marangya. Magagawa mong kumain ng mga pinakamahal na pagkain kung gusto mo, at pumunta kahit saan mo gusto, at pasunurin ang lahat sa utos mo, at gawin ang anumang gusto mo, at mamuhay nang sutil at mayabang nang hindi kinakailangang umiwas sa atensiyon o mamuhay sa takot, at magagawa mo ang anumang gusto mo, kahit na labag ito sa batas, at makapamumuhay ka nang mapangahas at walang bahala—ito ang layon ng iyong pamilya sa pagkokondisyon sa iyo sa ganitong paraan, para hindi ka maagrabyado, at para magawa mong manguna. Samakatuwid, ang kanilang layon ay gawin kang isang taong pinamumunuan ang ibaa, pinamamahalaan ang iba, at inuutusan ang iba, at gawin kang isang taong nang-aapi lamang ng iba at hindi kailanman dehado, at gawin kang isang taong nangunguna, sa halip na isang taong pinangungunahan. Hindi ba’t ganito ang nangyayari? (Oo.) Nakakabuti ba sa iyo ang epekto ng pagkokondisyong ito mula sa iyong pamilya? (Hindi.) Bakit mo sinasabing hindi ito nakakabuti sa iyo? Kung tuturuan ng bawat pamilya ang susunod na henerasyon sa ganitong paraan, madaragdagan ba nito ang alitan sa lipunan at mauudyukan ang lipunan na maging mas mapagkumpitensya at hindi patas? Gugustuhin ng lahat na mapunta sa tuktok, walang sinuman ang gugustuhin na mapunta sa pinakailalim, o maging isang ordinaryong tao—gugustuhin nilang lahat na maging isang taong namumuno at nang-aapi sa iba. Sa palagay mo ba ay maaari pa ring maging mabuti ang lipunan kung gayon ang nangyayari? Malinaw na hindi mapupunta sa positibong direksiyon ang lipunan, at patitindihin lamang nito ang mga panlipunang alitan, patataasin ang pagiging mapagkumpitensya ng mga tao, at palalalain ang mga alitan ng mga tao. Halimbawa na lang ay ang paaralan. Sinusubukan ng mga estudyante na malamangan ang isa’t isa, sa pamamagitan ng paggugol ng matinding pagsisikap sa pag-aaral kapag walang nakakakita, ngunit kapag nagkita-kita na sila, sasabihin nila na, “Naku, hindi na naman ako nakapag-aral noong nakaraang linggo. Pumunta na lang kasi ako sa isang magandang lugar at nagsaya buong araw. Saan ka nagpunta?” At may isang makikisali sa usapan: “Natulog lang ako buong linggo at hindi rin ako nakapag-aral.” Sa totoo lang, alam na alam naman nilang dalawa na buong linggong nag-aral ang isa hanggang sa mapagod nang husto, pero ni isa sa kanila ay walang umaamin na nakapag-aral sila o nagsikap nang husto kapag walang nakakakita, dahil gusto ng lahat na manguna at ayaw nilang malamangan ng sinuman. Sinasabi nilang hindi sila nag-aaral, dahil ayaw nilang malaman ng iba ang totoo na nag-aaral sila. Ano ba ang silbi ng pagsisinungaling nang ganoon? Nag-aaral ka para sa sarili mo, hindi para sa iba. Kung kaya mong magsinungaling sa gayon kamurang edad, matatahak mo ba ang tamang landas pagkatapos mong pumasok sa lipunan? (Hindi.) Ang pagpasok sa lipunan ay may kaakibat na mga pansariling interes, pera, at katayuan, kaya’t magiging mas matindi lamang ang kompetisyon. Ang mga tao ay hindi titigil at gagamitin nila ang lahat ng paraang mayroon sila para makamit ang kanilang mga layon. Magiging handa sila at makakaya nilang gawin ang anumang kinakailangan para matupad ang kanilang layon, sa anumang pamamaraan, kahit pa nangangahulugan ito ng pagtitiis ng kahihiyan para makarating doon. Kung magpapatuloy ang mga ganitong kalakaran, paanong magiging maayos ang lipunan? Kung gagawin ito ng lahat, paanong magiging maayos ang sangkatauhan? (Hindi iyon mangyayari.) Ang ugat ng lahat ng uri ng hindi wastong asal sa lipunan at masasamang kalakaran ay nagmumula sa pagkokondisyon na iginugugol ng pamilya sa mga tao. Kung gayon, ano kaya ang hinihingi ng Diyos tungkol sa bagay na ito? Hinihingi ba ng Diyos na ang mga tao ay manguna at hindi maging karaniwan, hindi kakaiba, hindi kapansin-pansin, o ordinaryo, kundi sa halip ay maging dakila, sikat, at mataas na tao? Ito ba ang hinihingi ng Diyos sa mga tao? (Hindi.) Napakalinaw na ang kasabihang ikinondisyon sa iyo ng iyong pamilya—“Kailangan mong pagtiisan ang matinding pagdurusa upang manguna”—ay hindi ka ginagabayan sa isang positibong direksyon, at siyempre, wala rin itong kaugnayan sa katotohanan. Ang mga layon ng iyong pamilya na iparanas sa iyo ang pagdurusa ay hindi nagkataon lang, na pinalalala ng pagpapakana, at sobrang kasuklam-suklam at palihim. Pinararanas ng Diyos ang mga tao ng pagdurusa dahil sa mayroon silang mga tiwaling disposisyon. Kung nais ng mga tao na madalisay ang kanilang mga tiwaling disposisyon, kailangan nilang dumaan sa pagdurusa—ito ay isang obhektibong katunayan. Dagdag pa rito, hinihingi ng Diyos sa mga tao na magtiis ng pagdurusa: Ito ang dapat gawin ng isang nilalang, at ito rin ang dapat pasanin ng isang normal na tao, at ang saloobin na dapat taglayin ng isang normal na tao. Gayunpaman, hindi hinihingi sa iyo ng Diyos na manguna ka. Hinihingi lamang Niya sa iyo na maging isa kang ordinaryong, normal na tao na nakauunawa sa katotohanan, nakikinig sa Kanyang mga salita, nagpapasakop sa Kanya, at iyon lang. Hindi kailanman hinihingi ng Diyos na sorpresahin mo Siya, o gumawa ka ng anumang bagay na nakapanggigilalas, ni hindi Niya kailangan na maging isa kang tanyag na tao o isang dakilang tao. Kailangan lamang Niya na maging isa kang ordinaryo, normal, at totoong tao, at gaano man karaming pagdurusa ang kaya mong tiisin, o kung kaya mo nga ba talagang magtiis ng pagdurusa o hindi, kung sa huli ay magagawa mong katakutan ang Diyos at iwasan ang kasamaan, kung gayon, ito ang pinakamainam na tao na pwede kang maging. Ang nais ng Diyos ay hindi iyong manguna ka, kundi ang maging isang tunay na nilikha, isang taong kayang gampanan ang tungkulin ng isang nilikha. Ang taong ito ay isang tao na hindi kapansin-pansin at ordinaryo, isang taong may normal na pagkatao, konsensiya at katwiran, hindi isang matayog o dakilang tao sa paningin ng mga walang pananampalataya o tiwaling tao. Marami na tayong napagbahaginan sa aspektong ito noon, kaya hindi na natin ito higit pang tatalakayin ngayon. Ang kasabihang ito na “Kailangan mong pagtiisan ang matinding pagdurusa upang manguna” ay malinaw na isang bagay na dapat mong bitiwan. Ano ba mismo ang dapat mong bitiwan? Ito ay ang direksiyon na ikinondisyon sa iyo ng iyong pamilya na hangarin mo. Ibig sabihin, dapat mong baguhin ang direksyon ng iyong paghahangad. Huwag kang gumawa ng anumang bagay para lamang manguna, mamukod-tangi sa karamihan at maging kapansin-pansin, o mahangaan ng iba. Sa halip, dapat mong talikuran ang mga ganitong intensiyon, pakay, at motibo at gawin ang lahat sa praktikal na paraan upang maging isang tunay na nilikha. Ano ang ibig Kong sabihin sa “sa isang mapagpakumbabang paraan”? Ang pinakapangunahing prinsipyo ay gawin ang lahat ng bagay alinsunod sa mga paraan at prinsipyong itinuro ng Diyos sa mga tao. Ipagpalagay na hindi nakakapagpahanga sa lahat o nakakapagpabilib sa kanila ang ginagawa mo, o na hindi man lang ito pinupuri o pinahahalagahan ng sinuman. Gayunpaman, kung ito ay isang bagay na dapat mong gawin, dapat kang magpursige at magpatuloy rito, ituring ito bilang tungkulin na dapat gampanan ng isang nilikha. Kung gagawin mo iyon, magiging isa kang katanggap-tanggap na nilikha sa mga mata ng Diyos—ganoon lang iyon kasimple. Ang kailangan mong baguhin ay ang iyong paghahangad ukol sa iyong pag-asal at pananaw sa buhay.
Kinokondisyon at iniimpluwensiyahan ka ng pamilya sa ibang paraan, halimbawa, sa kasabihang “Ang pagkakasundo-sundo ay yaman; ang pagtitiis ay karunungan.” Madalas, tinuturuan ka ng mga kapamilya na: “Maging mabait at huwag makipagtalo sa iba o gumawa ng mga kaaway, dahil kapag nagkaroon ka ng masyadong maraming kaaway, hindi ka magkakamit ng katayuan sa lipunan, at kung masyadong maraming tao ang namumuhi sa iyo at gustong saktan ka, hindi ka magiging ligtas sa lipunan. Palagi kang manganganib, at ang iyong kaligtasan sa buhay, katayuan, pamilya, pansariling kaligtasan, at maging ang iyong mga inaasam-asam na promosyon sa trabaho ay malalagay sa alanganin at mahahadlangan ng masasamang tao. Kaya dapat mong matutunan na ‘Ang pagkakasundo-sundo ay yaman; ang pagtitiis ay karunungan.’ Maging mabait sa lahat, huwag sirain ang magagandang ugnayan, huwag magsabi ng anumang bagay na hindi mo na mababawi sa huli, iwasang manakit ng dangal ng mga tao, at huwag ilantad ang kanilang mga pagkukulang. Iwasan o itigil ang pagsasabi ng mga bagay na ayaw marinig ng mga tao. Magbigay ka na lang ng mga papuri, dahil hindi kailanman masamang magbigay-puri sa sinuman. Dapat kang matutong magpakita ng pagtitiis at kompromiso sa parehong malalaki at maliliit na bagay, dahil ‘Mas madaling malulutas ang hidwaan sa pamamagitan ng pagkokompromiso.’” Isipin mo, dalawang ideya at pananaw ang itinatanim sa iyo ng iyong pamilya nang sabay. Sa isang punto, sinasabi nila na kailangan mong maging mabait sa iba; sa isa pang punto, gusto nilang maging mapagtimpi ka, huwag magsalita kung hindi kinakailangan, at kung mayroon kang sasabihin, dapat mong itikom ang iyong bibig hanggang sa makauwi ka at sabihin sa iyong pamilya pagkatapos. O ang mabuti pa, huwag mo na lang sabihin sa pamilya mo, dahil may mga tainga ang mga dingding—kung sakaling lumabas ang sikreto, hindi magiging maganda ang mga bagay para sa iyo. Upang magkaroon ng katayuan at makaligtas sa lipunang ito, dapat matuto ang mga tao ng isang bagay—ang maging balimbing. Sa madaling salita, dapat kang maging madaya at tuso. Hindi mo pwedeng basta na lang sabihin kung ano ang nasa isip mo. Kung sasabihin mo kung ano ang nasa isip mo, kahangalan ang tawag doon, hindi iyon pagiging matalino. May ilang tao na walang preno na sinasabi ang anumang gusto nila. Isipin mo ang isang lalaking gumagawa niyon at sa huli ay napasama niya ang loob ng kanyang amo. Pagkatapos ay pinahirapan siya ng kanyang amo, kinansela ang kanyang bonus, at palagi itong nakikipag-away sa kanya. Sa huli, hindi na niya kayang manatili pa sa trabaho. Kung magbibitiw siya sa kanyang trabaho, wala siyang ibang mapagkakakitaan. Pero kung hindi siya magbibitiw, ang tanging magagawa niya ay pagtiyagaan ang isang trabaho na hindi na niya kayang gawin pa. Ano ang tawag doon, kapag nasa mahirap kang kalagayan? “Naipit,” nang hindi makakilos. Tapos, sinasabi sa kanya ng kanyang pamilya na: “Nararapat lang iyan sa iyo na maltratuhin, dapat kasi naalala mo na ‘Ang pagkakasundo-sundo ay yaman; ang pagtitiis ay karunungan’! Nararapat lang iyan sa iyo dahil wala kang preno at hindi ka nag-iingat sa pinagsasasabi mo! Sinabi namin sa iyo na maging maingat ka sa pananalita at pag-isipang mabuti ang sasabihin mo, pero ayaw mo, pinili mong maging prangka. Akala mo ba ganoon kadaling kalabanin ang amo mo? Akala mo ba ganoon kadaling mamuhay sa lipunan? Palagi mong iniisip na nagpapakaprangka ka lang. Pwes, ngayon, dapat lang na harapin mo ang masasakit na kahihinatnan. Maging aral sana ito sa iyo! Mas matatandaan mo na nang mabuti ang kasabihang ‘Ang pagkakasundo-sundo ay yaman; ang pagtitiis ay karunungan’ sa hinaharap!” Sa sandaling maituro sa lalaking iyon ang leksiyong ito, naaalala niya ito, iniisip na, “Tama talaga ang mga magulang ko na turuan ako. Ito ay isang makabuluhang leksyon ng karanasan sa buhay, isang tunay na gintong aral, hindi ko ito pwedeng patuloy na balewalain. Manganganib ako kung babalewalain ko ang mga nakatatanda sa akin, kaya’t tatandaan ko ito sa hinaharap.” Pagkatapos niyang manampalataya sa Diyos at sumapi sa sambahayan ng Diyos, naaalala pa rin niya ang kasabihang ito, “Ang pagkakasundo-sundo ay yaman; ang pagtitiis ay karunungan,” kaya naman binabati niya ang kanyang mga kapatid sa tuwing nakikita niya ang mga ito, at ginagawa ang kanyang makakaya para makapagsabi ng magagandang bagay sa mga ito. Sinasabi ng lider: “Matagal-tagal na akong lider, pero wala akong sapat na karanasan sa gawain.” Kaya, sumisingit siya nang may papuri: “Magaling ka sa ginagawa mo. Kung hindi ikaw ang namumuno sa amin, parang wala na kaming matatakbuhan.” May isa pang nagsasabi na: “Nagkamit ako ng pag-unawa sa sarili ko, at sa tingin ko ay medyo mapanlinlang ako.” Kaya sasagot siya, “Hindi ka mapanlinlang, talagang matapat ka, ako ang mapanlinlang.” May isa pang nagbibigay ng masamang komento sa kanya, at napapaisip siya, “Hindi ko kailangang matakot sa masasamang komento na tulad niyan, mas masahol pa ang kaya kong tiisin. Gaano man kasama ang mga komento mo, magkukunwari na lang akong hindi ko narinig ang mga ito, at patuloy kitang pupurihin, at susubukan ang makakaya ko na maging sipsip sa iyo, dahil hindi kailanman masama na purihin ka.” Sa tuwing may humihiling sa kanya na magbigay ng opinyon o magtapat habang nagbabahaginan, hindi siya prangkang nagsasalita, at pinananatili ang masayahing pagpapanggap na ito sa harap ng lahat. May nagtatanong sa kanya: “Bakit palagi kang masigla at masiyahin? Isa ka ba talagang nakangiting tigre?” At napapaisip siya: “Matagal na akong isang nakangiting tigre, at sa lahat panahong iyon, hindi pa ako kailanman napagsamantalahan, kaya’t naging pangunahing prinsipyo ko na ito sa pakikitungo sa mundo.” Hindi ba’t hindi siya mapagkakatiwalaan? (Oo.) May ilang tao na nagpatangay na lang sa lipunan sa loob ng maraming taon, at patuloy na ginagawa ito matapos silang makapasok sa sambahayan ng Diyos. Hindi sila kailanman nagsasabi ng isang tapat na salita, hindi sila nagsasalita mula sa puso, at hindi nila ibinabahagi ang pagkaunawa nila sa kanilang sarili. Kahit inilalahad ng isang kapatid ang puso nito sa kanila, hindi sila nagsasalita nang prangka, at walang sinuman ang nakakaalam kung ano talaga ang tumatakbo sa isip nila. Hindi nila kailanman ibinubunyag kung ano ang iniisip nila o kung ano ang kanilang mga pananaw, pinananatili nila ang talagang magagandang ugnayan sa lahat, at hindi mo alam kung anong uri ng mga tao o kung anong klase ng personalidad ang totoong gusto nila, o kung ano ba talaga ang tingin nila sa iba. Kung may magtatanong sa kanila kung anong uri ng tao si gayo’t ganito, ang sagot nila ay, “Higit sampung taon na siyang mananampalataya, at ayos naman siya.” Kahit sino ang itanong mo sa kanila, sasagot sila na ayos lang o napakabait ng taong iyon. Kung may magtatanong sa kanila ng, “May natuklasan ka bang anumang pagkukulang o kapintasan sa kanya?” Sasagot sila ng, “Wala pa naman akong napansin, mas oobserbahan ko ito nang mabuti mula ngayon,” pero sa kaloob-looban nila, iniisip nilang: “Hinihiling mo sa akin na pasamain ko ang loob ng taong iyon, na talagang hindi ko gagawin! Kung sasabihin ko sa iyo ang totoo at nalaman niya ito, hindi ba’t magiging kaaway ko siya? Matagal nang sinasabi sa akin ng pamilya ko na huwag gumawa ng mga kaaway, hindi ko nakakalimutan ang mga sinabi nila. Akala mo ba hangal ako? Akala mo makakalimutan ko ang pagtuturo at pagkokondisyon na natanggap ko mula sa aking pamilya dahil lang sa nagbahagi ka ng dalawang pangungusap ng katotohanan? Hindi iyon mangyayari! Ang mga kasabihang ito na, ‘Ang pagkakasundo-sundo ay yaman; ang pagtitiis ay karunungan’ at ‘Mas madaling malulutas ang hidwaan sa pamamagitan ng pagkokompromiso,’ ay hindi ako kailanman binigo at ang mga ito ang aking birtud. Hindi ako nagkukuwento ng mga kapintasan ng sinuman, at kung may sinumang nang-uudyok sa akin, pinapakitaan ko sila ng pagtitiis. Hindi mo ba nakita ang letrang iyon na nakatatak sa aking noo? Ito ang letrang Tsino para sa ‘pagtitiis,’ na binubuo ng letra ng isang kutsilyo sa itaas ng letra ng puso. Ang sinumang nagsasabi ng masasamang salita, pinapakitaan ko sila ng pagtitiis. Ang sinumang nagpupungos sa akin, pinapakitaan ko sila ng pagtitiis. Ang layon ko ay na manatiling kasundo ang lahat, na panatilihin ang mga ugnayan sa ganitong antas. Huwag kumapit sa mga prinsipyo, huwag maging sobrang hangal, huwag maging matigas, dapat kang matutong bumagay sa mga sitwasyon! Bakit sa tingin mo nabubuhay nang napakatagal ang mga pagong? Ito ay dahil nagtatago ang mga ito sa loob ng kanilang bahay sa tuwing nahihirapan ang mga ito, hindi ba? Sa gayong paraan, napoprotektahan ng mga ito ang kanilang sarili at nabubuhay nang libo-libong taon. Iyon ang paraan para mabuhay nang matagal, at kung paano makitungo sa mundo.” Hindi mo naririnig ang gayong mga tao na nagsasabi ng anumang makatotohanan o taos-puso, at hindi kailanman nabubunyag ang kanilang mga tunay na pananaw at pangunahing pamantayan sa kanilang pag-asal. Pinag-iisipan at pinagninilayan lamang nila ang mga bagay na ito sa puso nila, ngunit walang ibang nakakaalam sa mga ito. Sa panlabas, ang ganitong uri ng tao ay mabait sa lahat, mukhang may mabuting loob, at hindi nananakit o naninira ng sinuman. Pero ang totoo, siya ay balimbing at hindi mapagkakatiwalaan. Ang ganitong uri ng tao ay palaging nagugustuhan ng ilang tao sa iglesia, dahil hindi sila kailanman gumagawa ng malalaking pagkakamali, hindi nila kailanman pabayang ibinubunyag ang kanilang sarili, at ayon sa pagsusuri ng mga lider ng iglesia at mga kapatid, maayos silang nakikisama sa lahat. Wala silang pakialam sa kanilang tungkulin, ginagawa lang nila kung ano ang hinihiling sa kanila. Sila ay sadyang masunurin at may maayos na pag-uugali, hindi nila kailanman sinasaktan ang iba sa pakikipag-usap o kapag hinaharap ang mga bagay-bagay, at hindi nila kailanman sinasamantala ang sinuman. Hindi sila kailanman nagsasalita ng masama tungkol sa iba, at hindi sila nanghuhusga ng mga tao nang patalikod. Gayunpaman, walang nakakaalam kung tapat sila sa pagganap ng kanilang tungkulin, at walang nakakaalam kung ano ang iniisip nila sa iba o kung ano ang opinyon nila sa mga ito. Pagkatapos pag-isipang mabuti, maramdaman mo pa na talagang medyo kakaiba at mahirap unawain ang ganitong uri ng tao, at na ang pagpapanatili sa kanila ay maaaring magdulot ng problema. Ano ang dapat mong gawin? Isa itong mahirap na desisyon, hindi ba? Kapag ginagampanan nila ang kanilang tungkulin, nakikita mo na inaasikaso nila ang kanilang mga sariling gawain, ngunit kailanman ay hindi nila pinahahalagahan ang mga prinsipyong ipinapabatid ng sambahayan ng Diyos sa kanila. Ginagawa nila ang mga bagay-bagay ayon sa gusto nila, wala sa loob na ginagawa ang mga ito at hinahayaan na lang sa ganoon, sinusubukan lamang na iwasang gumawa ng anumang malalaking pagkakamali. Dahil dito, wala kang mahahanap na anumang pagkakamali sa kanila, o matutukoy na anumang kapintasan. Malinis nilang ginagawa ang mga bagay-bagay, pero ano kaya ang iniisip nila sa loob? Gusto ba nilang gampanan ang kanilang tungkulin? Kung walang mga atas administratibo ng iglesia, o pangangasiwa mula sa lider ng iglesia o sa kanilang mga kapatid, makikisama kaya ang taong ito sa masasamang tao? Gagawa kaya sila ng masasamang bagay at magsasagawa ng kasamaan kasama ang masasamang tao? Napakaposible nito, at may kakayahan silang gawin ito, pero hindi pa nila ito nagagawa. Ang ganitong tao ang mapaminsala sa lahat ng uri, at sila ang tipikal na hindi mapagkakatiwalaan o tusong tao. Hindi sila nagtatanim ng mga sama ng loob sa sinuman. Kung may isang tao na nagsasabi ng masakit sa kanila, o nagbubunyag ng isang tiwaling disposisyon na lumalabag sa kanilang dignidad, ano ang iniisip nila? “Magpapakita ako ng pagtitiis, hindi ko ito mamasamain, pero darating ang araw na magmumukha kang hangal!” Kapag talagang iwinasto ang taong iyon o nagmukhang hangal, lihim nilang pinagtatawanan ito. Madalas silang mangutya ng ibang tao, ng mga lider, at ng sambahayan ng Diyos, pero hindi nila kinukutya ang kanilang sarili. Hindi lang talaga nila alam kung anong mga problema o kapintasan ang mayroon sila mismo. Ang mga ganitong uri ng tao ay nag-iingat na hindi magbunyag ng anumang bagay na makakasakit sa iba, o anumang bagay na magbibigay-daan sa iba na makita ang tunay nilang kalooban, bagamat iniisip nila ang mga bagay na ito sa puso nila. Samantala, pagdating sa mga bagay na maaaring magpamanhid o manlihis sa iba, malaya nilang ipinapahayag ang mga ito at hinahayaan ang mga tao na makita ang mga ito. Ang mga taong tulad nito ang pinakatuso at pinakamahirap pakitunguhan. Kaya, ano ang saloobin ng sambahayan ng Diyos sa mga taong tulad nito? Gamitin ang mga ito kung maaari, at alisin ang mga ito kung hindi—ito ang prinsipyo. Bakit ganoon? Ang dahilan ay sapagkat ang mga taong tulad nito ay nakatakdang hindi maghangad sa katotohanan. Ang mga ito ay mga hindi mananampalataya na pinagtatawanan ang sambahayan ng Diyos, mga kapatid, at mga lider kapag nagkakaroon ng mga problema. Ano ang papel nila? Ito ba ang papel ni Satanas at ng mga diyablo? (Oo.) Kapag nagpapakita sila ng pasensiya sa kanilang mga kapatid, hindi ito binubuo ng tunay na pagtitimpi o taos-pusong pagmamahal. Ginagawa nila ito para protektahan ang kanilang sarili at para maiwasang magkaroon ng anumang mga kaaway o panganib sa kanilang daan. Hindi nila kinukunsinti ang kanilang mga kapatid para protektahan ang mga ito, hindi rin nila ito ginagawa para sa pagmamahal, at lalong hindi nila ito ginagawa para sa paghahangad ng katotohanan at pagsasagawa nang alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo. Ang ginagawa nila ay ganap na isang saloobin na nakatuon sa pagsabay lamang sa agos at panlilihis sa iba. Ang mga gayong tao ay balimbing at hindi magpagkakatiwalaan. Ayaw nila sa katotohanan at hindi nila ito hinahangad, sa halip ay sumasabay lamang sila agos. Malinaw na ang pagkokondisyong natatanggap ng gayong mga tao mula sa kanilang pamilya ay lubhang nakakaapekto sa pamamaraan kung paano sila mismo kumikilos at humaharap sa mga bagay-bagay. Siyempre, hindi maitatanggi na ang mga pamamaraan at prinsipyong ito ng pagharap sa mundo ay laging nauugnay sa kanilang pagkataong diwa. Higit pa rito, ang mga epekto ng pagkokondisyon mula sa kanilang pamilya ay nagsisilbi lamang para gawing mas malinaw at kongkreto ang kanilang mga kilos, at mas ganap na ibunyag ang kanilang kalikasang diwa. Samakatuwid, kapag nahaharap sa mga pangunahing isyu ng tama at mali, at sa mga usaping may kinalaman sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, kung makagagawa ng ilang angkop na pasya ang gayong mga tao at bibitiwan ang mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo na kinikimkim nila sa kanilang puso, gaya ng “Ang pagkakasundo-sundo ay yaman; ang pagtitiis ay karunungan,” para maitaguyod ang mga layunin ng sambahayan ng Diyos, mabawasan ang kanilang mga paglabag at masamang gawa sa harap ng Diyos—paano ito makakabuti sa kanila? Kahit papaano, kapag sa hinaharap ay itinatakda ng Diyos ang kahihinatnan ng bawat tao, magpapagaan nito ang kaparusahan sa kanila at mababawasan ang pagtutuwid ng Diyos sa kanila. Sa pagsasagawa sa ganitong paraan, walang mawawala sa mga taong iyon at ang lahat ng bagay ay magiging pakinabang sa kanila, hindi ba? Kung tuluyan nilang bibitiwan ang kanilang mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, hindi ito magiging madali para sa kanila, dahil kasama rito ang kanilang pagkataong diwa, at ang mga taong ito na hindi mapagkakatiwalaan at balimbing ay hindi man lang tumatanggap sa katotohanan. Hindi gaanong simple at madali para sa kanila na bitiwan ang mga satanikong pilosopiya na ikinondisyon sa kanila ng kanilang mga pamilya, dahil—kahit na isantabi ang mga epektong ito ng pagkokondisyon mula sa kanilang pamilya—sila mismo ay mga nahuhumaling na naniniwala sa mga satanikong pilosopiya, at gusto nila ang ganitong diskarte sa pagharap sa mundo, na isang napaka-indibidwal at personal na diskarte. Ngunit kung matalino ang mga gayong tao—kung bibitiwan nila ang ilan sa mga kaugaliang ito para wastong pangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, hangga’t hindi nanganganib o napipinsala ang sarili nilang mga interes—kung gayon, mabuti iyon para sa kanila, dahil kahit papaano ay mapapawi nito ang kanilang pagkakonsensiya, mababawasan ang pagtutuwid sa kanila ng Diyos, at mababaligtad pa nga ang sitwasyon para sa halip na ituwid sila, gagantimpalaan at maaalala sila ng Diyos. Napakaganda niyon! Hindi ba’t magiging isang magandang bagay iyon? (Oo.) Diyan nagtatapos ang pagbabahaginan natin sa aspektong ito.
Sa ano pang paraan ka ikinondisyon ng iyong pamilya? Halimbawa, madalas na sinasabi sa iyo ng iyong mga magulang na: “Kung hindi mo kayang pigilan ang iyong bibig at padalos-dalos kang magsalita, kalaunan ay mapapahamak ka dahil dito! Dapat mong tandaan na ‘Ang taong maraming sinasabi ay madalas na nagkakamali!’ Ano ang ibig sabihin nito? Nangangahulugan ito na kung marami kang sinasabi, tiyak na sa huli ay pagsisisihan mo lang ito. Anuman ang sitwasyon, huwag kang magsalita nang padalos-dalos—tingnan mo muna kung ano ang sinasabi ng iba bago ka magsalita. Kung sasang-ayon ka sa karamihan, hindi ka mapapahamak. Ngunit kung palagi mong sinusubukang mamukod-tangi, at patuloy na nagsasalita nang padalos-dalos at inihahayag ang iyong pananaw nang hindi inaalam kung ano ang iniisip ng iyong pinuno, amo, o lahat ng tao sa paligid mo, at pagkatapos ay hindi pala parehong mag-isip ang iyong pinuno o amo, kung gayon, pahihirapan ka lang nila. May maganda bang idudulot iyon? Makulit na bata, dapat kang mag-ingat sa susunod. Ang taong maraming sinasabi ay madalas na nagkakamali. Tandaan mo lang iyon, at huwag kang magsalita nang padalos-dalos! Ang bibig ay para sa pagkain at paghinga, sa pagsasabi ng matatamis na salita sa iyong mga nakatataas, at sa pagsisikap na palugurin ang iba, hindi ito para sa pagsasabi ng katotohanan. Dapat mong piliin nang maiigi ang mga sasabihin mo, dapat kang gumamit ng mga panlalansi at pamamaraan, at dapat mong gamitin ang iyong utak. Bago pa man mamutawi sa bibig mo ang mga salita, pigilan mo ang mga ito at paulit-ulit na pag-isipan, hintayin ang tamang oras bago sabihin ang mga ito. Nakadepende rin dapat sa sitwasyon kung ano talaga ang sasabihin mo. Kung nagsisimula kang magbahagi ng iyong opinyon, pero napapansin mong hindi ito tinatanggap ng mga tao, o hindi gaanong maganda ang reaksiyon nila, huminto ka kaagad at pag-isipan mo kung paano ito sasabihin sa paraang makapagpapasaya sa lahat bago ka magpatuloy. Iyan ang gagawin ng isang matalinong bata. Kung gagawin mo iyon, hindi ka mapapahamak at magugustuhan ka ng lahat. At kung gusto ka ng lahat, hindi ba’t magiging pabor iyon sa iyo? Hindi ba’t magdudulot ito ng mas maraming oportunidad sa iyo sa hinaharap?” Kinokondisyon ka ng iyong pamilya sa pamamagitan ng pagsasabi sa iyo, hindi lamang kung paano magkamit ng magandang reputasyon, kung paano manguna, at kung paano bumuo ng matatag na katatayuan sa iba, kundi kung paano rin manlinlang ng iba sa pamamagitan ng mga panlabas na anyo at hindi magsabi ng totoo, at lalong hindi ihayag lahat ng nasa isipan mo. Naaalala ng ilang taong napahamak matapos nilang sabihin ang totoo na sinabi sa kanila ng kanilang pamilya ang kasabihang “Ang taong maraming sinasabi ay madalas na nagkakamali,” at kumukuha sila ng aral mula rito. Mula noon, mas lalo silang naging handang isagawa ang kasabihang ito at gawin itong kanilang salawikain. Ang ibang tao naman ay hindi napahamak pero taimtim nilang tinatanggap ang pagkokondisyon ng kanilang pamilya sa bagay na ito, at patuloy nilang isinasagawa ang kasabihang ito anuman ang okasyon. Habang mas isinasagawa nila ito, mas nararamdaman nilang “Napakabuti ng mga magulang at lolo’t lola ko sa akin, sinsero silang lahat sa akin at gusto nila ang pinakamakabubuti para sa akin. Napakasuwerte ko na sinabi nila sa akin ang kasabihang ito, ‘Ang taong maraming sinasabi ay madalas na nagkakamali,’ kung hindi, madalas akong mapapahamak dahil hindi ko kayang pigilan ang bibig ko, at pahihirapan ako ng napakaraming tao, o mamatahin ako, o tutuyain at kukutyain. Talagang kapaki-pakinabang at nakakabuti ang kasabihang ito!” Sa pagsasagawa ng kasabihang ito, nagtatamo sila ng maraming tunay na pakinabang. Siyempre, kapag humarap sila sa Diyos, iniisip pa rin nila na ang kasabihang ito ay isang napakakapaki-pakinabang at nakabubuting bagay. Sa tuwing hayagang nagbabahagi ang isang kapatid tungkol sa kanyang personal na kalagayan, katiwalian, o karanasan at kaalaman, gusto rin nilang magbahagi at maging isang tuwiran at matapat na tao, at gusto rin nilang matapat na pag-usapan ang kanilang naiisip o nalalaman sa puso nila, para pansamantalang gumaan ang kanilang isipan, na napakatagal na panahon nang napipigilan, o para magkamit ng bahagyang kalayaan o kaginhawaan. Ngunit sa sandaling naaalala nila ang palaging ikinikintal sa kanila ng kanilang mga magulang, tulad ng, “‘Ang taong maraming sinasabi ay madalas na nagkakamali.’ Huwag magsalita nang padalos-dalos, maging isang tagapakinig sa halip na tagapagsalita, at matutong makinig sa iba,” nilulunok na nila ang anumang gusto nilang sabihin. Kapag natapos nang magsalita ang lahat, wala silang sasabihin at sa halip ay iniisip nila na: “Mainam ito, mabuti na ring wala akong sinabi sa pagkakataong ito, dahil sa sandaling sabihin ko ang saloobin ko, baka magkaroon ng mga opinyon tungkol sa akin ang lahat, at baka may mawala sa akin. Mabuti nang manahimik, marahil sa gayong paraan ay patuloy na iisipin ng lahat na matapat ako at hindi gaanong mapanlinlang, kundi likas lang na hindi palaimik na tao, at samakatuwid ay hindi ako isang taong nagpapakana, o isang taong sobrang tiwali, at lalong hindi isang taong may mga kuru-kuro tungkol sa Diyos, kundi sa halip ay isang taong simple at bukas. Hindi masama na ganito ang maging tingin sa akin ng mga tao, kaya bakit ko pa kailangang magsabi ng kahit ano? Sa totoo lang, nakakakita ako ng ilang resulta sa pamamagitan ng pagsunod sa kasabihang ito na ‘Ang taong maraming sinasabi ay madalas na nagkakamali,’ kaya’t patuloy akong kikilos nang ganito.” Ang pagsunod sa kasabihang ito ay nagdudulot sa kanila ng isang maganda at nakakaginhawang pakiramdam, kaya’t nananatili silang tahimik nang isang beses, dalawa, at nagpapatuloy ito hanggang sa isang araw, kapag napakarami na nilang kinikimkim na salita at gusto nilang magtapat sa kanilang mga kapatid, pero pakiramdam nila ay parang selyado at nakabusal ang kanilang bibig, at wala silang masabi ni isang salita. Dahil hindi sila makapagsabi sa kanilang mga kapatid, nagpapasya silang subukang kausapin ang Diyos, kaya’t lumuluhod sila sa harapan Niya at nagsasabing, “Diyos ko, may sasabihin ako sa Iyo. Ako ay….” Subalit maski pinag-iisipan nila ito nang mabuti sa puso nila, hindi nila alam kung paano ito sasabihin, hindi nila ito maipahayag, para bang tuluyan na silang naging pipi. Hindi nila alam kung paano pumili ng mga wastong salita o kung paano bumuo ng isang pangungusap. Ang napakaraming taon ng pagkikimkim ng damdamin ay nagpaparamdam sa kanilang lubusan silang napipigilan, at namumuhay sila sa isang madilim at maruming buhay, at kapag nagpasya na silang sabihin sa Diyos kung ano ang nasa puso nila at ilabas ang kanilang mga nararamdaman, hindi sila makapagsalita at hindi alam kung saan magsisimula, o kung paano ito sasabihin. Hindi ba’t kaawa-awa sila? (Oo, kaawa-awa sila.) Kung gayon, bakit, wala silang masabi sa Diyos? Ipinapakilala lamang nila ang kanilang sarili. Nais nilang sabihin sa Diyos kung ano ang nasa puso nila, pero wala silang masabi, at sa huli, ang tanging nasasabi nila ay: “Diyos ko, pakiusap, bigyan Mo po ako ng mga salitang dapat kong sabihin!” At tumutugon ang Diyos ng: “Napakarami ng dapat mong sabihin, pero ayaw mong sabihin ito, at hindi mo ito sinasabi kapag binibigyan ka ng pagkakataon, kaya binabawi Ko ang lahat ng ibinigay ko sa iyo. Hindi Ko ito ibibigay sa iyo, hindi ka karapat-dapat para rito.” Saka lang nila mararamdaman na napakaraming nawala sa kanila nitong mga nakaraang taon. Bagamat pakiramdam nila ay nagkaroon sila ng isang napakarangal na buhay, at lubos silang nakapagpanggap at nakapagbalatkayo, kapag nakikita nilang nagkakamit ng mga pakinabang ang kanilang mga kapatid sa buong panahong ito, at kapag nakikita nilang nag-uusap ang kanilang mga kapatid tungkol sa kanilang mga karanasan ng mga ito nang walang anumang pag-aalinlangan at nagtatapat tungkol sa katiwalian ng mga ito, napagtatanto ng mga taong ito na sila mismo ay hindi makapagsabi ng isang pangungusap, at hindi alam kung paano. Napakatagal na nilang nananalig sa Diyos, at gusto nilang pag-usapan ang pagkakilala sa kanilang sarili, at talakayin ang kanilang karanasan at pagkalantad sa mga salita ng Diyos, at gusto nilang makakuha ng kaunting kaliwanagan at tanglaw mula sa Diyos, at magkamit ng isang bagay. Ngunit sa kasamaang-palad, dahil napakadalas nilang lahat na kumapit sa opinyong “Ang taong maraming sinasabi ay madalas na nagkakamali,” at madalas na nakagapos at kontrolado ng ideyang ito, namuhay sila sa kasabihang ito sa loob ng napakaraming taon, hindi sila nakatanggap ng anumang kaliwanagan o pagtanglaw mula sa Diyos, at mahirap, kaawa-awa, at wala pa rin silang natamo pagdating sa pagpasok sa buhay. Naisagawa nila ang kasabihan at ideyang ito nang napakahusay at sinunod ito sa bawat detalye, ngunit sa kabila ng pananampalataya sa Diyos sa napakaraming taon, wala silang nakamit na anumang katotohanan, at nananatiling mahirap at bulag. Binigyan sila ng Diyos ng bibig, pero wala silang anumang abilidad na magbahagi tungkol sa katotohanan, ni anumang abilidad na magsalita tungkol sa kanilang mga nararamdaman at nalalaman, lalo na ang abilidad na makipag-usap sa kanilang mga kapatid. Ang mas kahabag-habag pa ay na wala silang abilidad na kausapin ang Diyos, at nawalan sila ng gayong abilidad. Hindi ba’t kaawa-awa sila? (Oo, kaawa-awa sila.) Kaawa-awa at nakakalungkot. Hindi ba’t hindi ka mahilig makipag-usap? Hindi ba’t lagi kang takot na ang taong maraming sinasabi ay madalas na nagkakamali? Kung gayon, talagang wala kang dapat sasabihin. Hindi mo sinasabi ang iyong malalamim na saloobin na siyang ibinigay sa iyo ng Diyos, pinipigilan mo ang mga ito, tinatakpan, at pinipigilang umalpas ang mga ito. Palagi kang natatakot na mapahiya, natatakot na makaramdam ng pagbabanta, natatakot na makaramdam ng banta, natatakot na mahalata ka ng iba, at palaging natatakot na hindi ka na magiging perpekto, matapat, at mabuting tao sa mga mata ng iba, kaya nagbabalatkayo ka, at walang sinasabi tungkol sa tunay mong iniisip. At ano ang nangyayari sa huli? Magiging isa ka na talagang pipi. Sino ang gumawa ng gayong pinsala sa iyo? Sa pinakaugat, ang pagkokondisyon ng iyong pamilya ang nagpahamak sa iyo. Ngunit mula sa sarili mong personal na perspektiba, ito ay dahil din sa gusto mong mamuhay ayon sa mga satanikong pilosopiya, kaya pinili mong maniwala na tama ang pagkokondisyon ng iyong pamilya, at hindi ka naniniwala na positibo ang mga hinihingi ng Diyos sa iyo. Pinipili mong ituring na isang positibong bagay ang epekto ng pagkokondisyon sa iyo ng iyong pamilya, at ituring ang mga salita ng Diyos, ang mga hinihingi Niya, at ang Kanyang panustos, tulong, at turo bilang mga bagay na dapat mong bantayan, bilang mga negatibong bagay. Samakatuwid, gaano man kalaki ang ipinagkaloob ng Diyos sa iyo sa simula, dahil sa iyong pagbabantay at paglaban sa lahat ng panahong ito, ang resulta sa huli, binabawi ng Diyos ang lahat at wala Siyang ibinibigay sa iyo, dahil hindi ka karapat-dapat dito. Kaya bago pa ito umabot sa ganoon, dapat mong bitiwan ang epekto ng pagkokondisyon sa iyo ng iyong pamilya sa bagay na ito, at huwag tanggapin ang maling ideya na “Ang taong maraming sinasabi ay madalas na nagkakamali.” Ang kasabihang ito ay nagtutulak sa iyo na maging mas sarado, mas mapanlinlang, at mas hipokrito. Ito ay ganap na naiiba at sumasalungat sa hinihingi ng Diyos sa mga tao na maging matapat, at hinihingi Niya na maging tuwiran at bukas sila. Bilang isang mananampalataya sa Diyos at tagasunod ng Diyos, dapat maging ganap kang determinado na hangarin ang katotohanan. At kapag ganap kang determinado na hangarin ang katotohanan, dapat ganap kang maging determinado na bitiwan ang inakala mong magagandang epekto ng mga pagkokondisyon na ibinibigay sa iyo ng iyong pamilya—dapat walang pagpipilian. Anuman ang mga epekto ng pagkokondisyon ng iyong pamilya sa iyo, gaano man kabuti o kapaki-pakinabang ang mga ito para sa iyo, gaano ka man pinoprotektahan ng mga ito, nagmumula ang mga ito sa mga tao at kay Satanas, at dapat mong bitiwan ang mga ito. Sumasalungat man sa mga salita ng Diyos at sa mga hinihingi Niya sa mga tao ang mga epekto ng pagkokondisyon ng iyong pamilya, o kaya naman ay pumipinsala ito sa iyong mga interes, at nag-aalis sa iyong mga karapatan, at kahit na sa tingin mo ay hindi ka pinoprotektahan ng mga ito at sa halip nilalayong ipahiya ka at gawin kang hangal, dapat mo pa ring ituring ang mga ito bilang mga positibong bagay, dahil ang mga ito ay nagmumula sa Diyos, ang mga ito ang katotohanan, at dapat mong tanggapin ang mga ito. Kung ang mga bagay na ikinondisyon sa iyo ng iyong pamilya ay may kinalaman sa iyong pag-iisip at pag-asal, sa pananaw mo sa pag-iral, at sa landas na tinatahak mo, kung gayon, dapat mong bitiwan ang mga ito at huwag kumapit sa mga ito. Sa halip, dapat mong palitan ang mga ito ng mga katumbas na katotohanan mula sa Diyos, at sa paggawa nito, dapat palagi mo ring kinikilatis at kinikilala ang mga likas na problema at diwa ng mga bagay na ito na ikinondisyon sa iyo ng iyong pamilya, at pagkatapos, kumilos at magsagawa ka sa pamamagitan ng pagsunod sa mga salita ng Diyos nang mas tumpak, praktikal, at totoo. Ang pagtanggap ng mga ideya, mga pananaw sa mga tao at bagay, at mga prinsipyo ng pagsasagawa na nagmumula sa Diyos—ito ang nakatakdang responsabilidad ng isang nilikha, at kung ano ang dapat gawin ng isang nilikha, at ito rin ang ideya at pananaw na dapat taglayin ng isang nilikha.
Bukod pa sa pagkintal ng mga bagay na inaakala ng mga tao na positibo at kapaki-pakinabang sa kanilang pag-iral, mga inaasam-asam, at kinabukasan, ang mga magulang sa ilang pamilya ay nagkikintal din ng ilang medyo labis-labis at buktot na ideya at pananaw sa kanilang mga anak. Halimbawa, sinasabi ng gayong mga magulang na: “Mas mabuti nang maging tunay na kontrabida kaysa sa isang huwad na maginoo.” Ito ay isang kasabihan na nagsasabi sa iyo kung paano umasal. Ang kasabihang ito na, “Mas mabuti nang maging tunay na kontrabida kaysa sa isang huwad na maginoo,” ay pinapapili ka sa pagitan ng dalawa. Pinapapili ka nito na maging isang tunay na kontrabida, ibig sabihin, maging lantarang masama, kaysa sa gawin ito nang patago sa mga tao. Sa gayong paraan, kahit isipin ng mga tao na hindi masyadong maganda ang mga ginagawa mo, hahangaan at sasang-ayunan ka pa rin nila. Nangangahulugan ito na, anumang masamang bagay ang ginagawa mo, dapat mong gawin ang mga ito nang harapan, hayagan at makatotohanan sa mga tao. Kinokondisyon at tinuturuan ng ilang pamilya ang kanilang mga anak sa ganitong paraan. Bukod sa hindi nila kinamumuhian ang mga taong iyon sa lipunan na may mga kasuklam-suklam at napakasamang ideya at pag-uugali, tinuturuan pa nga nila ang kanilang mga anak sa pamamagitan ng pagsasabi sa mga ito na: “Huwag maliitin ang mga taong ito. Sa katunayan, hindi naman talaga sila masasamang tao—baka nga mas mabait pa sila kaysa sa mga huwad na maginoo.” Sa isang punto, sasabihin nila sa iyo kung anong klaseng tao ang dapat mong maging, at sa isa pang punto, sasabihin din nila sa iyo kung paano kilatisin ang mga tao, kung anong uri ng mga tao ang ituturing na positibo, at kung anong uri ng mga tao ang ituturing na negatibo, tinuturuan kang makilala ang mga positibong bagay mula sa mga negatibong bagay, at tinuturuan ka rin kung paano umasal—ito ang uri ng pagtuturo at pagkokondisyon na ibinibigay nila sa iyo. Kaya, anong uri ng epekto ang taglay ng gayong pagkokondisyon na hindi nahahalata sa mga tao? (Hindi nakikilala ang mabuti at masama.) Tama iyan, hindi nakikilala ang mabuti at masama, tama at mali. Tingnan muna natin kung paano tinitingnan ng mga tao ang mga tinatawag na kontrabida at huwad na maginoo. Una sa lahat, iniisip ng mga tao na ang mga tunay na kontrabida ay hindi masasamang tao, at na iyon talagang mga huwad na maginoo ang masasamang tao. Iyong uri ng mga taong gumagawa ng masama sa likod ng iba habang nagkukunwaring mabait sa panlabas ang tinatawag na mga huwad na maginoo. Puro tungkol sa kabutihan ang sinasabi nila, katuwiran, at moralidad sa harap ng mga tao, pero gumagawa ng lahat ng uri ng masasamang bagay nang patago. Ginagawa nila ang lahat ng masasamang bagay na ito habang nagsasabi rin ng lahat ng uri ng magagandang bagay—ang mga taong tulad nito ay mga hantungan ng panunuya. Pagdating sa mga tunay na kontrabida, kasingsama lang din sila sa harap ng mga tao gaya ng kapag nasa likod sila ng mga ito, at gayunpaman, naging huwaran pa rin sila na ipinagtatanggol at pinag-aaralan, sa halip na maging mga hantungan ng panunuya ng mga tao. Ang ganitong uri ng kasabihan at pananaw ay may tendensiyang guluhin ang mga konsepto ng mga tao kung ano nga ba ang isang mabuting tao at kung ano mismo ang isang masamang tao. Kaya naman hindi sigurado ang mga tao at walang alam, at nagiging napakalabo ng kanilang mga konsepto. Kapag kinokondisyon ng pamilya ang mga tao sa ganitong paraan, iniisip pa nga ng ilang tao na, “Sa pagiging isang tunay na kontrabida, nagiging matapat ako. Ginagawa ko ang mga bagay nang hayagan. Kung may sasabihin ako, sasabihin ko ito sa harap mo. Kung pipinsalain kita, o ayaw ko sa iyo, o gusto kong samantalahin ka, dapat ko ring gawin ito sa harapan mo at ipaalam sa iyo ang tungkol dito.” Anong klaseng lohika ito? Anong uri ng kalikasang diwa ito? Kapag gumawa ng mga maling bagay at masasamang gawa ang masasamang tao, kailangan nilang humanap ng teoretikal na batayan para dito, at ito ang naiisip nila. Sinasabi nilang: “Tingnan mo, itong ginagawa ko ay hindi naman masyadong mabuti, pero mas mainam na ito kaysa sa maging isang huwad na maginoo. Ginagawa ko ito sa harap ng mga tao, at alam ng lahat ang tungkol dito—iyon ay tinatawag na pagiging matapat!” Kaya, ginagawang matatapat na tao ng mga kontrabida ang kanilang sarili. Sa ganitong uri ng pag-iisip sa isipan ng mga tao, ang kanilang mga konsepto ng tunay na integridad at tunay na kasamaan ay hindi kapansin-pansing malabo. Hindi nila alam kung ano ang ibig sabihin ng pagiging matapat, at iniisip nila na, “Hindi mahalaga kung ang sinasabi ko ay nakakasakit sa iba o kung tama ito o hindi, kung makatwiran ba ito o hindi, o kung naaayon ito sa mga prinsipyo at sa katotohanan o hindi. Hangga’t nangangahas akong magsalita, at wala akong pakialam sa mga kahihinatnan, at hangga’t mayroon akong tunay na disposisyon, isang tuwirang likas na katangian, at ganap akong matapat, at hangga’t hindi ako nagkikimkim ng anumang masamang layunin, kung gayon, tama lang ito.” Hindi ba’t binabaliktad nito ang tama at mali? (Oo.) Sa ganitong paraan, ang mga negatibong bagay ay nagiging positibong bagay. Samakatuwid, ginagamit ito ng ilang tao bilang batayan at umaasal sila ayon sa kasabihang ito, at ipinagpapalagay pa nga nila na nasa panig nila ang katarungan, iniisip na, “Sabagay, hindi kita nilalamangan, o nilalansi nang patalikod. Ginagawa ko ang mga bagay nang makatotohanan at hayagan. Isipin mo kung ano ang gusto mo. Para sa akin, ito ay pagiging matapat! Gaya nga ng kasabihang, ‘Hindi kailangang mag-alala ang isang tao tungkol sa mga tsismis kung siya ay matuwid,’ kaya, bahala ka kung ano ang gusto mong isipin!” Hindi ba’t ito ang lohika ni Satanas? Hindi ba’t ito ang lohika ng mga magnanakaw? (Oo.) Makatwiran ba na gumawa ka ng mga maling bagay, manggulo nang walang dahilan, kumilos katulad ng isang maniniil, at gumawa ng kasamaan? Ang paggawa ng kasamaan ay paggawa ng kasamaan: Kung ang diwa ng iyong ginagawa ay paggawa ng kasamaan, kung gayon, ito ay kasamaan. Paano sinusukat ang iyong mga kilos? Hindi nasusukat ang mga ito sa kung mayroon ka bang mga motibo o wala, o kung ginawa mo ba ang mga ito nang hayagan o hindi, o kung mayroon ka bang tunay na disposisyon o wala. Sinusukat ang mga ito ng katotohanan at ng mga salita ng Diyos. Ang katotohanan ang pamantayan sa pagsukat ng lahat ng bagay, at ang pangungusap na iyon ay lubos na naaangkop sa kasong ito. Ayon sa sukatan ng katotohanan, kung ang isang bagay ay masama, ito ay masama; kung ang isang bagay ay positibo, ito ay positibo; kung ang isang bagay ay hindi positibo, ito ay hindi positibo. At ano ang mga bagay na ito na iniisip ng mga tao bilang matuwid, at may tunay na disposisyon at tuwirang likas na katangian? Tinatawag iyan na pagbaluktot sa mga salita at pagpilit sa lohika, paggulo sa mga konsepto, at pagsasalita nang walang kabuluhan, tinatawag itong panliligaw sa mga tao, at kung nililigaw ka ng mga tao, gumagawa ka ng kasamaan kung gayon. Hindi mahalaga kung ginagawa ito sa likod ng mga tao o sa harap nila, ang kasamaan ay kasamaan. Ang kasamaang ginagawa sa likod ng isang tao ay kabuktutan, samantalang ang kasamaang ginagawa sa harap ng isang tao ay tunay na mapaminsala at malupit, pero ang lahat ng ito ay nauugnay sa kasamaan. Kaya sabihin mo sa Akin, dapat bang tanggapin ng mga tao ang kasabihang ito na “Mas mabuti nang maging tunay na kontrabida kaysa sa isang huwad na magino”? (Hindi, hindi dapat.) Alin ang positibo—ang mga prinsipyo ng pag-uugali ng isang huwad na maginoo, o ang mga prinsipyo ng pag-uugali ng isang tunay na kontrabida? (Wala sa dalawa.) Tama, lahat ito ay negatibo. Kaya, huwag kang maging isang huwad na maginoo, o isang tunay na kontrabida, at huwag kang makinig sa kahunghangan ng iyong mga magulang. Bakit palaging nagbubulalas ng kahunghangan ang mga magulang? Sapagkat ganito mismo umaasal ang iyong mga magulang. Palagi nilang nararamdaman na “Mayroon akong tunay na disposisyon, isa akong tunay na tao, ako ay tuwiran, matapat ako sa mga nararamdaman ko, magalang akong tao, matuwid ako at hindi ko kailangang mag-alala tungkol sa mga tsismis, kumikilos ako nang disente at tumatahak sa tamang landas, ano ang dapat kong ikatakot? Wala akong ginagawang masama, kaya’t hindi ako natatakot sa mga demonyong kumakatok sa aking pintuan!” Hindi kumakatok ang mga demonyo sa pintuan mo ngayon, pero walang kakapusan ang masasamang gawain na nagawa mo at maparurusahan ka sa lalong madaling panahon. Matuwid ka at hindi natatakot sa mga tsismis, ngunit ano ang kinakatawan ng pagiging matuwid? Ito ba ang katotohanan? Ang pagiging matuwid ba ay nangangahulugang pag-ayon sa katotohanan? Nauunawaan mo ba ang katotohanan? Huwag kang mag-isip ng mga dahilan at palusot para sa iyong sariling masamang gawa, wala itong saysay! Hangga’t hindi ito umaayon sa katotohanan, ito ay kasamaan! Pakiramdam mo pa nga ay mayroon kang tunay na disposisyon. Dahil lang sa mayroon kang tunay na disposisyon, ibig sabihin ba nito ay maaari mong lamangan ang iba? O na maaari mong ipahamak ang iba? Anong lohika ito? (Ang lohika ni Satanas.) Ito ay tinatawag na lohika ng mga magnanakaw at diyablo! Gumagawa ka ng masama pero itinuturing mo ito na isang bagay na tama at nararapat, at nagdadahilan ka para dito at hinahangad mong bigyang-katwiran ito. Hindi ba’t kawalan ng kahihiyan iyon? (Oo.) Muli Kong sinasabi sa iyo, sa mga salita ng Diyos, kailanman ay walang anumang binanggit na pagpapahintulot sa mga tao na maging isang tunay na kontrabida o isang huwad na maginoo, ni anumang ganoong hinihingi para maging isang tunay na kontrabida o isang huwad na maginoo. Ang mga kasabihang ito ay pawang lantaran at malademonyong salita para linlangin at ilihis ang mga tao. Maaaring malihis ng mga ito ang mga taong hindi nakauunawa sa katotohanan, pero kung nauunawaan mo ang katotohanan ngayon, hindi ka na dapat kumapit sa gayong mga kasabihan o magpaimpluwensiya sa mga ito. Ang mga tao man ay mga huwad na maginoo o tunay na kontrabida, lahat sila ay diyablo, halimaw, at tampalasan, lahat sila ay walang kuwenta, lahat sila ay masama, at lahat sila ay nauugnay sa kasamaan. Kung hindi sila buktot, sila ay malupit, at ang tanging pagkakaiba sa pagitan ng isang huwad na maginoo at isang tunay na kontrabida ay makikita sa kanilang pagganap: Ang isa ay gumaganap nang hayagan, at ang isa ay palihim. At saka, mayroon silang iba’t ibang paraan ng pag-asal. Ang isa ay lantarang gumagawa ng kasamaan, habang ang isa naman ay nanlalansi sa likod ng mga tao; ang isa ay mas tuso at taksil, samantalang ang isa naman ay mas mapagmataas, mapandomina, at nagpapakita ng kanilang mga pangil; ang isa ay mas marumi at patago, samantalang ang isa ay mas kasuklam-suklam at mayabang. Ang mga ito ay dalawang satanikong paraan ng paggawa sa mga bagay-bagay, ang isa ay hayagan at ang isa ay patago. Kung kumikilos ka nang lantaran, isa kang tunay na kontrabida, at kung kumikilos ka nang patago, isa kang huwad na maginoo. Ano ang ipagyayabang diyan? Kung itinuturing mo ang kasabihang ito bilang salawikain mo, hindi ba’t isa kang hangal? Kaya, kung lubos kang naipahamak ng mga bagay na ikinondisyon o ikinintal sa iyo ng iyong pamilya sa aspektong ito, o kung kumakapit ka sa mga ganitong bagay, umaasa Ako na mabibitiwan mo ang mga ito, matutukoy at makikilala ang mga ito sa lalong madaling panahon. Tigilan mo ang pagkapit sa kasabihang ito, at ang pag-iisip na pinoprotektahan ka nito o ginagawa kang isang totoong tao o isang taong may karakter, pagkatao at isang tunay na disposisyon. Ang kasabihang ito ay hindi isang pamantayan sa kung paano dapat umasal ang isang tao. Para sa akin, mariin Kong kinokondena ang kasabihang ito, na kinasusuklaman Ko nang higit sa anupaman. Nasusuklam Ako hindi lamang sa mga huwad na maginoo, kundi pati na rin sa mga tunay na kontrabida—pareho silang kasuklam-suklam para sa Akin. Kaya, kung isa kang huwad na maginoo, kung gayon, mula sa Aking perspektiba, wala kang kuwenta, at wala nang magagawa pa para sa iyo. Ngunit kung ikaw ay isang tunay na kontrabida, mas masahol ka pa. Alam na alam mo ang tunay na daan pero sadya kang gumagawa ng pagkakasala, malinaw na alam mo ang katotohanan pero tahasan mo itong nilalabag at hindi mo ito isinasagawa, sa halip ay lantaran mong sinasalungat ang katotohanan, kaya mas mabilis kang mamamatay. Huwag mong isipin na, “Mayroon akong isang tuwirang likas na katangian, hindi ako isang huwad na maginoo. Bagamat isa akong kontrabida, isa akong tunay na kontrabida.” Paano ka naging tunay? Ang “pagiging tunay” mo ay hindi ang katotohanan, at hindi rin ito isang positibong bagay. Ang iyong “pagiging tunay” ay ang pagpapamalas ng diwa ng iyong mayabang at malupit na mga disposisyon. Ikaw ay “tunay” tulad ng sa tunay na Satanas, mga tunay na diyablo, at tunay na malupit, sa halip na tunay tulad ng sa katotohanan o sa isang bagay na talagang tunay. Kaya, pagdating sa kasabihang ito na “Mas mabuti nang maging tunay na kontrabida kaysa sa isang huwad na maginoo” na ikinokondisyon sa iyo ng iyong pamilya, dapat mo rin itong bitiwan, dahil wala itong anumang koneksiyon sa mga prinsipyo ng pag-asal na itinuturo ng Diyos sa mga tao, malayong-malayo ito sa mga itinuro ng Diyos. Samakatuwid, dapat mong bitiwan ito sa lalong madaling panahon, sa halip na patuloy na kumapit dito.
May isa pang uri ng epekto ng pagkokondisyon na ipinipilit ng pamilya. Halimbawa, palaging sinasabi sa iyo ng iyong mga kapamilya na: “Huwag masyadong mamukod-tangi sa karamihan, dapat mong rendahan ang iyong sarili at magsanay na pigilan nang kaunti ang iyong mga salita at kilos, pati ang iyong mga personal na talento, abilidad, IQ, at iba pa. Huwag maging iyong tipo ng tao na namumukod-tangi. Katulad ito ng mga kasabihang, ‘Ang ibong nag-uunat ng kanyang leeg ang unang nababaril,’ at ‘Ang nakausling tahilan ang unang nabubulok.’ Kung gusto mong protektahan ang iyong sarili, at magkaroon ng pangmatagalan at matatag na puwesto sa grupong kinabibilangan mo, huwag kang maging ibon na nag-uunat ng leeg, dapat mong rendahan ang iyong sarili at huwag mag-asam na makaangat sa lahat. Isipin mo ang lightning rod na siyang unang tinatamaan kapag may bagyo, dahil tinatamaan ng kidlat ang pinakamataas na tuktok; at kapag napakalakas ng ihip ng hangin, ang pinakamataas na puno ang unang sumasalo sa hagupit nito at nalilipad; at kapag malamig ang panahon, ang pinakamataas na bundok ang unang nagyeyelo. Ganoon din sa mga tao—kung palagi kang nangingibabaw sa iba at nakakakuha ng atensiyon, at napapansin ka ng mga Partido, seryoso nitong ikokonsidera na parusahan ka. Huwag maging ibong nag-uunat ng kanyang leeg, huwag lumipad nang mag-isa. Dapat kang manatili sa loob ng kawan. Kung hindi, kapag may anumang kilusang panlipunang protesta na nabuo sa paligid mo, ikaw ang unang maparurusahan, dahil ikaw ang ibong lumalabas. Huwag kang maging lider o pinuno ng grupo sa iglesia. Kung hindi, sa oras na may anumang mga kawalan o problema na nauugnay sa gawain sa sambahayan ng Diyos, bilang ang lider o superbisor, ikaw ang unang pupuntiryahin. Kaya, huwag kang maging ang ibong nag-uunat sa kanyang leeg, dahil ang ibong nag-uunat ng kanyang leeg ang unang nababaril. Dapat kang matutong itago ang iyong ulo at yumukyok na parang pagong.” Naaalala mo ang mga salitang ito mula sa iyong mga magulang, at kapag dumating na ang oras na kailangang pumili ng isang lider, tinatanggihan mo ang posisyon, sinasabing, “Naku, hindi ko kayang gawin ito! Mayroon akong pamilya at mga anak, masyado na akong abala sa kanila. Hindi ako pwedeng maging lider. Kayo na dapat gumawa nito, huwag ninyo akong piliin.” Ipagpalagay na nahalal ka pa rin bilang lider, nag-aatubili ka pa rin na gawin ito. “Kailangan ko yatang magbitiw,” sabi mo. “Kayo na ang maging lider, ibinibigay ko sa inyo ang buong pagkakataon. Tinutulutan ko kayong akuin ang posisyon, ipinapaubaya ko na sa inyo.” Nagninilay-nilay ka sa puso mo, “Huh! Ang ibong nag-uunat ng kanyang leeg ang unang nababaril. Kapag mas mataas ang pag-akyat mo, mas matindi rin ang lagapak mo, at malungkot doon sa tuktok. Hahayaan kitang maging lider, at pagkatapos mong mapili, darating ang panahon na magiging isa ka mismong katatawanan. Kahit kailan ay hindi ko ginustong maging isang lider, ayaw kong umangat, na nangangahulugang hindi ako babagsak nang napakataas. Isipin mo, hindi ba’t si gayo’t ganito ay natanggal bilang lider? Matapos matanggal, itiniwalag siya—hindi man lang siya nagkaroon ng pagkakataong maging isang ordinaryong mananampalataya. Ito ay isang perpektong halimbawa ng mga kasabihang ‘Ang ibong nag-uunat ng kanyang leeg ang unang nababaril’ at ‘Ang nakausling tahilan ang unang nabubulok.’ Hindi ba’t tama Ako? Hindi ba’t pinarusahan siya? Dapat matuto ang mga tao na protektahan ang kanilang sarili, kung hindi, ano ang silbi ng utak ng mga tao? Kung mayroon kang utak sa ulo mo, dapat mong gamitin ito para protektahan ang iyong sarili. Hindi malinaw na nakikita ng ilang tao ang isyung ito, pero ganyan talaga sa lipunan at sa anumang grupo ng mga tao—‘Ang ibong nag-uunat ng kanyang leeg ang unang nababaril.’ Igagalang ka nang husto habang iniuunat mo ang iyong leeg, hanggang sa sandaling mabaril ka. Pagkatapos, mapagtatanto mo na sa malao’t madali, ang mga taong naglalagay sa kanilang sarili sa unahan ay mapaparusahan dahil sa kanilang ginawa.” Ito ang mga masigasig na turo ng magulang at pamilya mo, at pati na ang tinig ng karanasan, ang purong karunungan ng kanilang buhay, na ibinubulong nila sa iyong tainga nang walang pag-aalinlangan. Ano ang ibig Kong sabihin sa “ibinubulong sa iyong tainga”? Ibig Kong sabihin na isang araw, ibubulong ng iyong ina sa tainga mo na, “Hayaan mong sabihin ko sa iyo, kung may isang bagay akong natutunan sa buhay na ito, ito ay na ‘Ang ibong nag-uunat ng kanyang leeg ang unang nababaril,’ na nangangahulugan na kung masyadong nangingibabaw o kumukuha ng labis na atensiyon ang isang tao, malamang na maparurusahan sila dahil dito. Tingnan mo kung gaano katahimik at katapat ang ama mo ngayon, ito ay dahil pinarusahan siya sa ilang kilusan ng panunupil. Ang iyong ama ay may talento sa panitikan, kaya niyang magsulat at magbigay ng mga talumpati, mayroon siyang mga kasanayan sa pamumuno, pero masyado siyang namumukod-tangi sa karamihan, at sa huli ay pinarusahan sa kilusan. Bakit, mula noon, hinding-hindi na nagsasalita ang ama mo tungkol sa pagiging isang opisyal ng gobyerno at mataas na tao? Ito ay dahil doon. Kinakausap kita nang mula sa puso at sinasabi sa iyo ang totoo. Dapat mong pakinggan at tandaan ito nang mabuti. Huwag mong kalimutan, dapat mo itong isaisip saan ka man magpunta. Ito ang pinakamainam na bagay na maibibigay ko sa iyo bilang iyong ina.” Pagkatapos niyon, natatandaan mo ang kanyang mga salita, at sa tuwing naaalala mo ang kasabihang “Ang ibong nag-uunat ng kanyang leeg ang unang nababaril,” ipinapaalala nito sa iyo ang iyong ama, at sa tuwing naiisip mo siya, naiisip mo ang kasabihang ito. Ang ama mo ay minsang naging ang ibong nag-unat ng leeg at nabaril, at ngayon, ang madilim at malungkot niyang hitsura ay nag-iwan ng malalim na impresyon sa isipan mo. Kaya, sa tuwing gusto mong iunat ang iyong leeg, sa tuwing gusto mong sabihin ang iniisip mo, sa tuwing gusto mong tapat na tuparin ang iyong tungkulin sa sambahayan ng Diyos, ang taos-pusong payo ng iyong ina na ibinulong niya sa iyo na—“Ang ibong nag-uunat ng kanyang leeg ang unang nababaril”—ay muling pumapasok sa isipan mo. Kaya, muli kang umuurong, iniisip na, “Hindi ako pwedeng magpakita ng anumang talento o mga espesyal na kakayahan, kailangan kong pigilan ang aking sarili at itigil ang mga ito. At tungkol naman sa mga payo ng Diyos sa mga tao na isapuso, isaisip, at ganap na ibuhos ang kanilang lakas sa pagganap ng kanilang tungkulin, dapat kong isagawa ang mga salitang ito nang may katamtaman lang, at hindi labis na magsikap para mamukod-tangi. Kung mamumukod-tangi ako sa pamamagitan ng pagsisikap ng husto, at iuunat ang leeg ko palabas sa pamamagitan ng pamumuno sa gawain ng iglesia, paano kung magkaproblema sa gawain ng sambahayan ng Diyos at ako ang pinananagot? Paano ko dapat pasanin ang pananagutang ito? Aalisin ba ako? Ako ba ang pagbubuntunan ng sisi, ang ibong nag-unat ng leeg? Sa sambahayan ng Diyos, hindi natin masasabi kung ano ang magiging resulta ng mga bagay na ito. Kaya, anuman ang gawin ko, talagang dapat akong maglaan ng matatakasan para sa sarili ko, dapat kong matutunang protektahan ang aking sarili, at tiyaking nakahanda ako sa lahat bago ako magsalita at kumilos. Ito ang pinakamatalinong paraan ng pagkilos, dahil gaya ng sabi ng aking ina, ‘Ang ibong nag-uunat ng kanyang leeg ang unang nababaril.’” Malalim na nakatanim sa puso mo ang kasabihang ito at mayroon din itong malalim na impluwensiya sa iyong pang-araw-araw na buhay. Ang mas malala, siyempre, nakakaapekto ito sa saloobin mo sa pagganap ng iyong tungkulin. Wala bang malulubhang problema rito? Kaya, sa tuwing ginagampanan mo ang iyong tungkulin at nais mong taos-pusong igugol ang iyong sarili, at buong pusong gamitin ang lahat ng iyong lakas, ang kasabihang ito na—“Ang ibong nag-uunat ng kanyang leeg ang unang nababaril”—ay laging pumipigil sa iyo, at sa huli, palagi mong pinipiling bigyan ang iyong sarili ng kaunting palugit at puwang para makakilos, at gawin lamang ang iyong tungkulin nang maingat pagkatapos paglaanan ang iyong sarili ng matatakasan. Hindi ba’t tama Ako? Sa aspektong ito, lubos ka bang napoprotektahan ng pagkondisyon ng iyong pamilya mula sa pagkakalantad at pagkakawasto? Para sa iyo, ito ay isa pang birtud, hindi ba? (Oo.)
Batay sa lahat ng pinagbahaginan natin hanggang ngayon, ilang birtud mayroon ang mga tao bilang resulta ng pagkondisyon ng kanilang pamilya? (Pito.) Sa dinami-dami ng birtud, totoo ba na walang mga ordinaryong diyablo at demonyo ang mangangahas na mangialam sa iyo? Ipinaparamdam ng lahat ng birtud na ito na ligtas na ligtas ka, maginhawang-maginhawa, at napakasayang namumuhay sa mundo ng tao. Kasabay nito, ipinaparamdam ng mga ito sa iyo kung gaano kahalaga sa iyo ang pamilya, at kung gaano ka-napapanahon at kahalaga ang proteksiyon at mga birtud na ibinibigay sa iyo ng iyong pamilya. Sa tuwing nagtatamo ka ng mga tunay na pakinabang at proteksiyon bilang resulta ng mga birtud na ito, higit mong nararamdaman kaysa dati na mahalaga ang pamilya, at na palagi kang magdedepende rito. Sa tuwing nakararanas ka ng mga paghihirap at nababalot ng pag-aalinlangan at pagkalito, saglit mong pinapakalma ang iyong sarili at iniisip na, “Ano ang sinabi sa akin ng aking ina at ama? Anong mga kasanayan ang itinuro sa akin ng mga nakatatanda sa akin? Ano ang salawikaing ipinasa nila sa akin?” Agad, likas, at hindi sinasadyang bumabalik ka sa iba’t ibang ideya at sitwasyong ikinintal sa iyo ng iyong pamilya, naghahanap at humihingi ng kanilang proteksiyon. Sa mga gayong pagkakataon, ang pamilya ay nagiging ligtas mong kanlungan, isang makakapitan, isang suporta at motibasyon na palaging matatag, hindi natitinag, at hindi nagbabago, isang sikolohikal na tungkod na nagbibigay sa iyo ng kakayahang patuloy na mamuhay at pumipigil sa iyo na maguluhan at mag-alinlangan. Sa mga pagkakataong tulad nito, damang-dama mo sa kaibuturan mo na: “Ang pamilya ay napakahalaga para sa akin, nagbibigay ito sa akin ng labis na tibay ng pag-iisip, pati na rin ng mapagkukunan ng espirituwal na suporta.” Madalas mong purihin ang iyong sarili sa pamamagitan ng pag-iisip na, “Mapalad ako na nakinig ako sa mga sinabi sa akin ng mga magulang ko, kung hindi, humantong sana ako sa sobrang kahiya-hiyang sitwasyon ngayon, na inaapi o sinasaktan. Buti na lang at may alas ako, may birtud ako. Kaya, kahit sa sambahayan ng Diyos at sa iglesia, kahit sa panahon ng pagganap sa aking mga tungkulin, hindi ako maaapi ng sinuman, at hindi ako manganganib na mapaalis o mapangasiwaan ng iglesia. Maaaring hindi mangyari sa akin ang mga bagay na ito kailanman, salamat sa proteksiyong ibinibigay sa akin ng pagkokondisyon ng aking pamilya.” Subalit mayroon kang nakalimutan. Namumuhay ka sa kathang-isip na kapaligiran na may mga birtud at kung saan maaari mong protektahan ang iyong sarili, pero hindi mo alam kung natupad mo ba ang atas ng Diyos o hindi. Binalewala mo ang atas sa iyo ng Diyos, at binalewala mo ang iyong pagkakakilanlan bilang isang nilikha, at ang tungkuling dapat mong tuparin bilang isang nilikha. Binalewala mo rin ang saloobin na dapat mong ipamalas at ang lahat ng dapat mong ialay sa pagganap ng iyong tungkulin, habang ang tunay na pananaw sa buhay at mga prinsipyong dapat mong pahalagahan ay napalitan ng mga pananaw na ikinondisyon sa iyo ng iyong pamilya, at ang mga pagkakataon mong maligtas ay naaapektuhan at naiimpluwensyahan din ng pagkokondisyon ng iyong pamilya. Kaya naman, napakahalaga para sa lahat na bitiwan ang iba’t ibang epekto ng pagkokondisyon ng kanilang pamilya. Ito ay isang aspekto ng katotohanan na dapat isagawa, at ito rin ay isang realidad na dapat pasukin nang walang pagkaantala. Dahil kung may sasabihin sa iyo ang lipunan, malamang na gagawa ka ng isang makatwiran o hindi namamalayang desisyon para tanggihan ito; kung may sasabihin sa iyo ang isang estranghero o isang taong walang kaugnayan sa iyo, may tendensiya kang gumawa ng isang makatwiran o maingat na desisyon kung tatanggapin ito o hindi; ngunit kung may sasabihin sa iyo ang pamilya mo, may tendensiya kang tanggapin ito nang buo nang walang pag-aalinlangan o pagkilatis, at ang totoo ay mapanganib na bagay ito para sa iyo. Dahil iniisip mo na hindi kailanman makakagawa ng anumang pinsala sa isang tao ang pamilya, at na ang lahat ng ginagawa ng iyong pamilya para sa iyo ay para sa ikabubuti mo, para protektahan ka at para sa sarili mong kapakanan. Batay sa ipinagpalagay na prinsipyong ito, ang mga tao ay madaling guluhin at maimpluwensiyahan ng mga bagay na ito na hindi nasasalat at nasasalat na nanggagaling sa pamilya. Ang mga nakikitang bagay ay ang mga kapamilya ng isang tao at ang lahat ng gawain ng pamilya nito, habang ang mga bagay na hindi nakikita ay ang iba’t ibang ideya at pagtuturo na nanggagaling sa pamilya, pati na rin ang ilang pagkokondisyon sa kung paano ka dapat umasal at gumawa sa sarili mong mga gawain. Hindi ba’t totoo ito? (Oo.)
Maraming dapat talakayin tungkol sa mga epekto ng pagkokondisyon ng pamilya. Pagkatapos nating magbahaginan sa mga bagay na ito ngayong araw, dapat ninyong pagnilayan ang lahat ng ito at ibuod ang mga ito, isipin kung aling mga ideya at pananaw—maliban sa mga nabanggit Ko ngayon—ang maaaring magpahirap sa iyo sa pang-araw-araw mong buhay. Karamihan sa napagbahaginan natin ngayon ay nauugnay sa mga prinsipyo at paraan ng pagharap ng mga tao sa mundo, at may kaunting paksa na nauugnay sa pagtingin sa mga tao at bagay. Ang saklaw ng mga epekto ng pagkokondisyon ng pamilya sa mga tao ay karaniwang sumasaklaw sa mga bagay na ito. Mayroon ding ilang isyu na hindi nauugnay sa pananaw ng mga tao sa buhay o sa mga paraan ng pagharap sa mundo, kaya hindi kaya hindi na natin pag-uusapan ang mga iyon nang higit pa. Dito na nagtatapos ang ating pagbabahaginan para sa araw na ito. Hanggang sa muli!
Pebrero 11, 2023