Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 11
Ano ang pinagbahaginan natin sa huling pagtitipon? Nagbahaginan tayo sa paksa ng “pagbitiw” tungkol sa pag-aasawa bilang bahagi ng “Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan.” Ilang beses na rin tayong nagbahaginan tungkol sa pag-aasawa—ano ang pangunahin nating pinagbahaginan noong huli? (Nagbahaginan tayo tungkol sa pagbitiw sa iba’t ibang pantasya tungkol sa pag-aasawa at pagtutuwid sa ilang baluktot na ideya at pagkaunawa ng mga taong may-asawa tungkol sa pag-aasawa, pati na rin sa tamang pagharap sa seksuwal na pagnanasa. Sa pagtatapos, nagbahaginan tayo na ang paghahangad ng kasiyahan sa pag-aasawa ay hindi ang ating misyon.) Nagbahaginan tayo tungkol sa paksa ng “pagbitiw sa iba’t ibang pantasya tungkol sa pag-aasawa,” kaya gaano karami ang inyong naunawaan, at gaano karami ang inyong natatandaan? Hindi ba’t pangunahin nating pinagbahaginan ang tungkol sa iba’t ibang di-makatotohanan, di-praktikal, pangbata at di-makatwirang opinyon at pagnanais ng mga tao tungkol sa pag-aasawa? (Oo.) Ang tamang pag-unawa at pag-intindi sa pag-aasawa at ang tamang pagharap sa pag-aasawa—ito ang saloobin na dapat taglayin ng mga tao tungkol sa pag-aasawa. Hindi dapat ituring ang pag-aasawa bilang isang laro, o bilang isang bagay na tutugon sa lahat ng pantasya at di-makatotohanang mga paghahangad. Ano ang kabilang sa iba’t ibang pantasya tungkol sa pag-aasawa? May partikular na ugnayan ang mga pantasyang ito at ang iba’t ibang saloobin ng mga tao sa buhay at, ang pinakamahalaga, ang mga ito ay nauugnay sa iba’t ibang kasabihan, interpretasyon, at saloobin tungkol sa pag-aasawa na natatanggap ng mga tao mula sa mundo at lipunan. Ang mga kasabihan, interpretasyon, at saloobing ito ay samot-saring di-makatotohanan at maling mga kasabihan at pananaw mula sa lipunan at sa lahat ng tao sa sangkatauhan. Bakit kailangang bitiwan ng mga tao ang mga bagay na ito? Dahil ang mga bagay na ito ay nagmumula sa tiwaling sangkatauhan, dahil ang lahat ng ito ay iba’t ibang uri pananaw at saloobin tungkol sa pag-aasawa na lumitaw mula sa buktot na mundo, at ang mga pananaw at saloobing ito ay lubos na lumilihis mula sa tamang depinisyon at konsepto ng pag-aasawa na inorden ng Diyos para sa sangkatauhan. Ang konsepto at depinisyon ng pag-aasawa na inorden ng Diyos para sa sangkatauhan ay mas nakatuon sa mga responsabilidad at obligasyon ng tao, pati na rin sa pagkatao, konsensiya, at katwiran na dapat katawanin ng mga tao sa buhay. Ang depinisyon ng Diyos sa pag-aasawa ay pangunahing naghihikayat sa mga tao kung paano gampanan nang tama ang kanilang mga responsabilidad sa loob ng balangkas ng pag-aasawa. Kung ikaw ay walang asawa at hindi mo kailangang tumupad ng mga responsabilidad sa buhay may-asawa, kailangan mo pa ring magkaroon ng tamang pagkaunawa sa depinisyon ng Diyos sa pag-aasawa—ito ang isang aspekto. Ang isa pang aspekto ay na hinihikayat ng Diyos ang mga tao na maghanda na magpasan ng mga responsabilidad na kanilang dapat akuin sa loob ng balangkas ng pag-aasawa. Ang pag-aasawa ay hindi isang laro, o parang mga batang naglalaro ng bahay-bahayan. Ang unang bagay na dapat malaman at na dapat maging konsepto ng isang tao ay na ang pag-aasawa ay isang tanda ng responsabilidad. Ang mas mahalaga pa ay ang ihanda ng isang tao ang kanyang sarili para sa mga responsabilidad na dapat matupad sa kanyang normal na pagkatao. At saan mas nakatuon ang mga konsepto, pagkaunawa, at kasabihan tungkol sa pag-aasawa na mula kay Satanas at mula sa buktot na mundo? Mas nakatuon ang mga ito sa paglalaro ng mga emosyon at seksuwal na pagnanasa, pagtugon sa mga pisikal na pagnanasa, at pagtugon sa kuryosidad ng laman ukol sa kabilang kasarian, pati na rin, siyempre, sa pagtugon sa banidad ng tao. Hindi kailanman nababanggit ng mga bagay na ito ang responsabilidad o pagkatao, lalo na kung paanong dapat pasanin ng mag-asawang inorden ng Diyos, ang lalaki at babae, ang kanilang mga responsabilidad, tuparin ang kanilang mga obligasyon, at gawin nang maayos ang lahat ng bagay na dapat gawin ng isang lalaki at isang babae, sa loob ng balangkas ng pag-aasawa. Ang iba’t ibang interpretasyon, kasabihan, at saloobin sa pag-aasawa na iniindoktrina ng mundo sa mga tao ay mas nakatuon sa pagtugon sa emosyon at pagnanasa ng tao, sa pagtuklas sa emosyon at pagnanasa, at sa paghahangad sa emosyon at pagnanasa. Kaya, kung tatanggapin mo ang iba’t ibang kasabihan, pagkaunawa, o saloobing ito tungkol sa pag-aasawa na nagmumula sa lipunan, hindi mo maiiwasang maapektuhan ng mga buktot na ideyang ito. Sa mas tumpak na salita, hindi mo maiiwasan na maging tiwali dahil sa mga pananaw na ito tungkol sa pag-aasawa na nagmumula sa mundo. Kapag ikaw ay nagawang tiwali at naapektuhan ng mga ideya at pananaw na ito, hindi mo na maiiwasang makontrol ng mga ideyang ito, at kasabay nito, tatanggapin mo na rin ang maloko at mamanipula ng mga pananaw na ito katulad ng mga walang pananampalataya. Kapag tinanggap na ng mga walang pananampalataya ang mga ideya at pananaw na ito tungkol sa pag-aasawa, nagsasalita sila tungkol sa pag-ibig at sa pagtugon sa kanilang mga seksuwal na pagnanasa. Gayundin, kapag walang pag-aalinlangan mo nang tinanggap ang mga ideya at pananaw na ito, magsasalita ka rin tungkol sa pag-ibig at pagtugon sa iyong mga seksuwal na pagnanasa. Ito ay hindi maiiwasan at hindi mo ito matatakasan. Habang wala kang tamang depinisyon sa pag-aasawa, at walang tamang pagkaunawa at saloobin ukol sa pag-aasawa, natural mong tatanggapin ang lahat ng iba’t ibang pananaw at kasabihan tungkol sa pag-aasawa na nagmumula sa mundo, sa lipunan, at sa sangkatauhan. Hangga’t naririnig mo ang mga ito, hangga’t nakikita mo ang mga ito, hangga’t nalalaman mo ang mga ito, at hangga’t hindi mo malabanan ang mga ideyang ito, hindi mo mamamalayang maaapektuhan ka ng ganitong uri ng kalagayan sa lipunan, at hindi mo mamamalayan na tinatanggap mo na ang mga pananaw at kasabihang ito tungkol sa pag-aasawa. Kapag tinanggap mo ang mga bagay na ito sa loob mo, hindi maiiwasan na maaapektuhan ng mga ideya at pananaw na ito ang iyong saloobin sa pag-aasawa. Dahil hindi ka namumuhay nang hiwalay sa ibang tao, lubos na madali kang maapektuhan at makontrol pa nga ng iba’t ibang kasabihan tungkol sa pag-aasawa na nagmumula sa mundo, sa lipunan, at sa sangkatauhan. Kapag nakontrol ka na ng mga ito, mahihirapan ka nang makawala sa mga ito, at hindi mo maiiwasang magpantasya tungkol sa kung ano ang dapat na mangyari kapag ikaw ay nag-asawa na.
Noong huli, nagbahaginan tayo tungkol sa iba’t ibang pantasya tungkol sa pag-aasawa, at ang mga pantasyang ito ay nagmumula sa napakaraming maling pagkaunawa at pananaw ng buktot na sangkatauhan tungkol sa pag-aasawa. Ang mga pagkaunawa at pananaw na ito, sa partikular man o pangkalahatan, ay pawang mga bagay na dapat bitiwan ng isang taong naghahangad sa katotohanan. Una, dapat niyang bitiwan ang lahat ng iba’t ibang maling depinisyon at pagkaunawa tungkol sa pag-aasawa; pangalawa, dapat ay tama ang pagpili niya sa kanyang kabiyak; at pangatlo, dapat harapin nang tama ng mga may asawa na ang kanilang buhay may-asawa. Ang salitang “tama” rito ay tumutukoy sa saloobin at responsabilidad na dapat taglayin ng mga tao tungkol sa pag-aasawa, na siyang utos at tagubilin ng Diyos sa kanila. Dapat maunawaan ng mga tao na ang pag-aasawa ay hindi isang simbolo ng pag-ibig at na ang pagpasok sa pag-aasawa ay hindi pagpasok sa isang palasyo ng pag-aasawa, o kaya naman ay pagpasok sa isang puntod, lalong hindi ito isang kasuotang pangkasal, isang diyamanteng singsing, isang simbahan, ang panunumpa ng walang-hanggang pag-ibig, ang pagkain nang may kandila, romansa, o isang mundo ng dalawang tao—wala sa mga bagay na ito ang sumisimbolo sa pag-aasawa. Kaya, kapag nag-uusap tayo tungkol sa pag-aasawa, ang unang bagay na dapat mong gawin ay alisin ang mga pantasya tungkol sa pag-aasawa na itinanim sa iyong puso kasabay ng mga simbolo na lumilitaw mula sa iyong mga pantasya tungkol sa pag-aasawa. Sa pamamagitan ng pagbabahaginan sa tamang interpretasyon ng pag-aasawa at pagsusuri sa iba’t ibang baluktot na ideya sa pag-aasawa na nagmumula sa buktot na mundo ni Satanas, hindi ba’t nagkakaroon kayo ng mas tumpak na pagkaunawa sa depinisyon ng pag-aasawa? (Oo.) Para naman sa mga walang asawa, hindi ba’t sa pamamagitan ng pagsasabi ng mga ganitong bagay ay nararamdaman ninyong medyo mas may kumpiyansa kayo tungkol sa usapin ng pag-aasawa? At hindi ba’t nakakatulong ito na lumago ang inyong kabatiran? (Oo.) Sa anong aspekto lumalago ang inyong kabatiran? (Ang aking mga dating pantasya tungkol sa pag-aasawa ay naglalaman lamang ng mga bagay na walang katiyakan tulad ng mga bulaklak, diyamanteng singsing, kasuotang pangkasal, at panunumpa ng walang-hanggang pag-ibig. Ngayon, pagkatapos makinig sa pagbabahagi ng Diyos, nauunawaan ko nang ang pag-aasawa ay inorden pala ng Diyos, at na ito ay dalawang taong magkasama na kayang magpakita ng konsiderasyon sa isa’t isa, na mag-alaga sa isa’t isa, at managot para sa isa’t isa. Ito ay pagpapahalaga sa responsabilidad, at ang pananaw na ito sa pag-aasawa ay mas praktikal at hindi kasali rito ang mga bagay na walang katiyakan.) Lumago ang iyong kabatiran, hindi ba? Sa pangkalahatan, lumago ang iyong kabatiran. Pagdating sa maliliit na detalye, mayroon bang kaunting pagbabago sa mga pamantayan sa mga bagay na dati mong hinahangaan at kinahuhumalingan? (Mayroon nga.) Noon, palagi mong sinasabi na gusto mong makahanap ng isang matangkad, mayaman, gwapong lalaki, o isang maputi, mayaman, magandang babae; saan ka na nakatuon ngayon? Kahit papaano, nakatuon ka na sa pagkatao ng isang tao, at kung siya ba ay masasandalan at may pagpapahalaga sa responsabilidad. Sabihin mo sa Akin, kung ang isang tao ay pipili ng kabiyak nang ayon sa direksiyon, layunin, at pamamaraang ito, mas malaki ba ang posibilidad na magiging masaya ang kanyang buhay may-asawa o na siya ay magiging malungkot at makikipagdiborsiyo? (Mas malaki ang posibilidad na siya ay magiging masaya.) Mas malaki ang posibilidad na siya ay magiging masaya. Bakit hindi natin sinasabi na ang ganitong uri ng pag-aasawa ay isandaang porsiyentong garantisadong magiging masaya? Gaanokarami ang dahilan para dito? Sa pinakamababa, isa sa mga dahilan ay na maaaring magkamali ang mga tao at hindi nila makita nang malinaw ang isang tao bago nila ito pakasalan. Ang isa pang dahilan ay na bago sila magpakasal, maaaring napakaganda ng nasa imahinasyon ng isang tao tungkol sa pag-aasawa, iniisip niya na “Bagay ang aming mga personalidad at pareho kami ng mga hangarin. Nangako rin siya sa akin na handa siyang umako ng responsabilidad at tuparin ang kanyang mga obligasyon sa akin pagkatapos naming magpakasal, at na hinding-hindi niya ako bibiguin.” Subalit, pagkatapos nilang magpakasal, hindi lahat ng bagay sa buhay mag-asawa ay umaayon sa kanilang kagustuhan, hindi lahat ng bagay ay maayos ang takbo. At saka, ang ilang tao ay nagmamahal sa katotohanan at sa mga positibong bagay, samantalang ang ibang tao ay mukhang hindi masama ang taglay na pagkatao, ngunit wala silang pagmamahal para sa mga positibong bagay at hindi nila hinahangad ang katotohanan. Kapag mag-asawa na sila at namumuhay sila nang magkasama, unti-unting naglalaho ang kaunti niyang pagpapahalaga sa responsabilidad o obligasyon na mayroon siya sa kanyang pagkatao, nagbabago siya sa paglipas ng panahon, at ipinapakita niya ang kanyang tunay na kulay. Sabihin mo sa Akin, kung ang isa sa mag-asawa ay naghahangad sa katotohanan at ang isa ay hindi, kung ikaw lamang ang naghahangad sa katotohanan at talagang hindi niya tinatanggap ang katotohanan, hanggang kailan mo siya matitiis? (Hindi gaanong matagal.) Maaaring labag-sa-loob mong titiisin ang ilang kagawian niya sa buhay o ang ilang maliit na kapintasan o pagkukulang sa kanyang pagkatao, ngunit habang tumatagal, hindi na kayo magkakaroon ng parehong wika o paghahangad. Hindi niya hinahangad ang katotohanan, ni hindi niya gusto ang mga positibong bagay, at palagi siyang mahilig sa mga bagay ng buktot na kalakaran ng mundo. Unti-unting nagiging mas madalang ang inyong pag-uusap, nagkakalayo na ang inyong mga inaasam, at ang kanyang pagnanais na tuparin ang kanyang mga responsabilidad ay naglalaho na. Masaya ba ang ganitong uri ng buhay mag-asawa? (Hindi.) Ano ang dapat mong gawin kung hindi ka masaya? (Kung hindi na kayang magpatuloy ng dalawang tao, dapat silang maghiwalay sa lalong madaling panahon.) Tama. Gaano katagal mula sa pagkakaroon ng ideyang ito sa simula hanggang sa sila ay maghiwalay? Sa simula, nagkakasundo nang maayos ang dalawang tao, at pagkaraan ng ilang panahon ng pagkakasundo, nagsisimula na silang magbangayan. Pagkatapos nilang magbangayan, nagkakabati sila, at kapag nagkabati na sila, nakikita ng babae na hindi nagbago ang lalaki, kaya siya ay nagtitiis, at pagkatapos ng ilang panahon ng pagtitiis, nagtatalo silang muli. Kapag umabot na sa sukdulan ang hidwaang ito, muling humuhupa ang mga bagay-bagay, at iniisip niya, “Hindi kami bagay sa isa’t isa at hindi ganito ang inakala kong mangyayari. Masakit ang pagsasama namin. Dapat na ba kaming magdiborsiyo? Pero sobrang naging mahirap para sa amin na umabot sa puntong ito at napakaraming beses na naming naghiwalay at nagkabalikan. Hindi ko siya dapat idiborsiyo nang ganoon-ganoon na lang. Dapat ko na lang itong tiisin. Ang mamuhay nang mag-isa ay hindi kailanman mas mainam kaysa sa dalawang taong namumuhay nang magkasama.” Kaya, nagtitiis siya sa loob ng isa o dalawang taon; habang mas tinitingnan niya ang kanyang asawa, mas lalong hindi na siya nasisiyahan, at habang mas tumatagal ito, mas lalo siyang nadidismaya. Hindi na siya masaya sa pagsasama nila, at mas lalong hindi na sila nagkakasundo kapag nag-uusap. Nakikita niya na lalong dumarami ang mga kasalanan ng kanyang asawa at mas lalo siyang nawawalan ng gana na pakisamahan at tiisin ito. Pagkatapos ng lima o anim na taon, hindi na niya ito kayang tiisin pa, sumabog na siya, at gusto niyang tuluyang makipaghiwalay sa kanyang asawa. Bago siya magpasyang tuluyan nang makipaghiwalay, kailangang pag-isipan niyang maigi ang buong bagay mula sa umpisa hanggang wakas at kailangang isipin niya nang malinaw at lubusan kung paano siya mamumuhay pagkatapos nilang magdiborsiyo. Pagkatapos pag-isipan nang maigi ang lahat ng ito, hindi siya makapagdesisyon, ngunit pagkatapos na pag-isipan ito nang ilang beses pa, may pag-aalinlangan siyang nagdedesisyong iwanan na ang kanyang asawa, iniisip na, “Makikipagdiborsiyo na ako sa kanya. Ang mamuhay nang payapa nang mag-isa ay mas mabuti pa kaysa sa ganito.” Palagi silang nagtatalo at hindi sila magkasundo. Ang dati niyang natitiis ay hindi na niya makayanan ngayon. Sumasama ang loob niya kapag nakikita ang kanyang asawa, nagagalit siya kapag naririnig itong magsalita, at sinisikmura at nasusuka na siya kahit marinig lang niya ang boses nito, makita ang hitsura nito, pananamit nito, at ang mga bagay na ginamit nito. Umabot na sa puntong hindi na niya makayanan at naging estranghero na sila sa isa’t isa at kailangan na niyang makipagdiborsiyo rito. Ano ang batayan na kailangan niyang idiborsiyo ang kanyang asawa? Masyado nang masakit ang pagsasama nila, at mas mainam ang mamuhay siya nang mag-isa. Kapag umabot na sa ganitong punto, hindi na siya mananatiling konektado sa kanyang asawa. Wala na siyang nararamdaman pa, pinag-isipan na niya ito nang mabuti at naiintindihan na niya: Mas mainam pang mamuhay nang mag-isa, tulad ng madalas na sinasabi ng mga walang pananampalataya, “Kapag namumuhay ka nang mag-isa, hindi mo na kailangang alalahanin pa ang ibang tao.” Kung hindi, palagi pa niyang kakailanganing isipin ang kanyang asawa, mapapaisip siya kung, “Kumain na kaya siya? Maayos ba ang suot niya? Maayos ba ang tulog niya? Nakakapagod ba para sa kanya na magtrabaho sa labas ng tahanan? Minamaltrato ba siya? Kumusta kaya ang pakiramdam niya?” Palagi niyang kailangang mag-alala sa kanyang asawa. Pero ngayon, natatanto niya na mas payapa ang mamuhay nang mag-isa, nang walang ibang iniisip o iniintindi. Hindi karapat-dapat magsakripisyo para sa gayong klase ng lalaki. Hindi ito karapat-dapat sa kanyang pag-aalala, hindi karapat-dapat sa kanyang pag-ibig, hindi karapat-dapat na panagutan niya, at talagang walang kaibig-ibig tungkol sa lalaking iyon. Sa huli, makikipagdiborsiyo siya, magwawakas ang kanilang pagiging mag-asawa, at hindi siya kailanman magbabalik-tanaw at magsisisi sa kanyang desisyon. May ganitong mga pagsasama ng mag-asawa, hindi ba? (Oo.) Mayroon ding mga pag-aasawa na nagaganap dahil sa iba’t ibang dahilan tulad ng mga dating kabutihan at mga hinanakit mula sa nakaraang buhay. Tulad ng ating natalakay noon, may mga taong nagsasama dahil may utang ang isa sa isa pa. Sa mag-asawa, maaaring may utang ang babae sa lalaki, o maaaring ang lalaki ang may utang sa babae. Sa nakaraang buhay, maaaring masyadong nagsamantala ang isang tao, maaaring masyadong malaki ang pagkakautang nito, at kaya sa buhay na ito, sila ay pinagsama para mabayaran ng taong iyon ang kanyang utang. Maraming ganitong buhay mag-asawa ang hindi masaya, pero hindi sila maaaring magdiborsiyo. Maaaring napipilitan silang magsama dahil may pamilya sila, o dahil sa kanilang mga anak, o sa iba pang kadahilanan, sa ano’t anuman, hindi sila magkasundo, palagi silang nag-aaway, palaging nagtatalo, at hindi talaga nagkakatugma ang kanilang mga personalidad, hilig, paghahangad, at mga libangan. Hindi nila gusto ang isa’t isa at parehong hindi na sila masaya sa kanilang pagsasama, ngunit hindi sila maaaring magdiborsiyo, kaya nananatili silang magkasama hanggang sa kamatayan. Kapag malapit na ang kamatayan, kinakailangan pa rin nilang insultuhin ang kanilang kabiyak at sabihing, “Ayaw ko nang makita ka sa susunod na buhay!” Sobra silang napopoot sa isa’t isa, hindi ba? Pero sa buhay na ito, hindi sila maaaring magdiborsiyo, at ito ay inorden ng Diyos. Ang lahat ng iba’t ibang uri ng buhay mag-asawang ito, ano man ang kaayusan o pinagmulan ng mga ito, may asawa ka man o wala, ano’t anuman, dapat palagi mong bitiwan ang iba’t ibang di-makatotohanan at inosenteng pantasyang mayroon ka tungkol sa pag-aasawa; dapat ay harapin mo nang tama ang pag-aasawa at hindi paglaruan ang mga emosyon at pagnanais ng mga tao, lalong huwag kang magpasilo sa mga maling pananaw sa pag-aasawa na iniindoktrina sa iyo ng lipunan, palaging pinagninilay-nilayan kung ano ang nararamdaman mo tungkol sa pag-aasawa: Mahal ka ba ng iyong kabiyak? Nararamdaman mo ba na mahal ka ng iyong kabiyak? Mahal mo pa ba ang iyong kabiyak? Gaano pa ba kalaki ang pagmamahal mo sa iyong kabiyak? May nararamdaman pa ba ang iyong kabiyak para sa iyo? May nararamdaman ka pa ba para sa iyong kabiyak? Hindi kinakailangang maramdaman o pagnilayan ang mga bagay na ito—lahat ito ay katawa-tawa at walang kabuluhang ideya. Habang mas pinagninilay-nilayan mo ang mga bagay na ito, mas lalo mong nararamdaman na nasa krisis ang iyong buhay may-asawa, at mas lalo kang nalulugmok sa ganitong mga kaisipan, mas pinatutunayan nito na nasilo ka na sa bitag ng pag-aasawa, at tiyak na hindi ka magiging masaya o makakaramdam ng anumang seguridad. Ito ay dahil kapag nalugmok ka sa mga ideya, pananaw, at kaisipang ito, ang iyong buhay may-asawa ay nagkakadepekto, ang iyong pagkatao ay nagiging baluktot, at ikaw ay ganap ding nakokontrol at nagagapos ng iba’t ibang ideya at pananaw tungkol sa pag-aasawa na mula sa lipunan. Kaya, tungkol sa iba’t ibang pananaw at kasabihan sa pag-aasawa na nagmumula sa lipunan at sa buktot na sangkatauhan, kailangan mong makilatis nang tumpak ang mga ito, at dapat mo ring tanggihan ang mga pananaw at kasabihang ito. Hindi mahalaga kung ano ang sinasabi ng ibang tao o kung paano nagbabago ang kanilang kasabihan tungkol sa pag-aasawa, sa huli, hindi dapat iwaksi ng mga tao ang depinisyon ng Diyos sa pag-aasawa, ni hindi dapat maapektuhan o mabulag ang mga tao sa mga buktot na pananaw ng mundo tungkol sa pag-aasawa. Sa madaling salita, ang pag-aasawa ay ang simula ng ibang yugto ng buhay ng isang tao mula sa pagiging binata o dalaga patungo sa pagiging nasa hustong gulang na. Ibig sabihin, kapag nasa hustong gulang ka na, pumapasok ka sa ibang yugto ng buhay, at sa yugtong ito ng buhay, pumapasok ka sa pag-aasawa at mamumuhay kasama ang isang taong hindi mo kadugo. Mula sa araw na magsimula kang mamuhay kasama ang taong iyon, nangangahulugan ito na bilang isang misis o mister, kailangan mong pasanin ang mga responsabilidad at obligasyon ng lahat ng bagay sa buhay ng mag-asawa at, higit pa roon, kailangan ninyong harapin ang lahat ng bagay ng buhay mag-asawa nang magkasama. Ibig sabihin, ang pag-aasawa ay nangangahulugan na iniwan ng isang tao ang kanyang mga magulang, na nagpaalam siya sa buhay ng pagiging solo, at na pumasok siya sa buhay ng pandalawang tao. Ito ang yugto kung saan magkasamang hinaharap ng dalawang tao ang buhay. Ang yugtong ito ay nangangahulugang papasok ka rin sa ibang yugto ng buhay, pati na rin, siyempre, na mahaharap ka sa lahat ng pagsubok ng buhay. Kung paano mo pangangasiwaan ang buhay sa loob ng balangkas ng pag-aasawa at kung paano ninyo haharapin ng iyong kabiyak ang lahat ng bagay na sasapit sa inyo sa loob ng pag-aasawa ay maaaring mga pagsubok para sa iyo, o ang mga bagay na ito ay maaaring pagpeperpekto sa iyo, o ang mga ito ay maaaring mga sakuna. Ngunit siyempre, ang mga ito ay maaari ding mga pinagmulan ng higit pang karanasan sa buhay; ang mga ito ay maaaring magbigay sa iyo ng mas malalim na pagkaunawa at pagpapahalaga sa buhay, tama ba? (Tama.) Dito na natin tatapusin ang ating pagbabalik-aral sa paksa ng pagkakaroon ng tamang pagkaunawa sa pag-aasawa at sa iba’t ibang pantasya tungkol sa pag-aasawa.
Nagbahaginan tayo tungkol sa isa pang paksa noong huli—ang paghahangad ng kaligayahan sa pag-aasawa ay hindi ang iyong misyon. Ano ang binigyang-diin natin habang nagbabahaginan sa paksang ito? (Ito ay na hindi natin dapat ipagkatiwala sa ating kabiyak ang kaligayahan natin sa buhay, at hindi tayo dapat gumawa ng mga bagay na nagpapalugod sa ating kabiyak para lamang maakit natin sila o maprotektahan ang diumano’y pag-iibigan natin. Hindi natin dapat kalimutan na tayo ay mga nilikha at na ang mga responsabilidad at obligasyon na dapat nating tuparin sa pag-aasawa ay hindi sumasalungat sa mga tungkulin at responsabilidad na dapat nating tuparin bilang mga nilikha.) Iniaasa ng maraming tao ang kanilang kaligayahan sa buhay sa pag-aasawa, at ang kanilang layon sa paghahangad ng kaligayahan ay ang paghahangad ng kaligayahan at pagiging perpekto ng buhay may-asawa. Naniniwala sila na kung masaya ang kanilang buhay may-asawa at kung masaya sila sa kanilang kabiyak, mamumuhay sila nang masaya. Kaya, itinuturing nila ang kaligayahan ng kanilang buhay may-asawa bilang isang panghabambuhay na misyon na dapat makamit sa pamamagitan ng walang humpay na pagsusumikap. Dahil dito, kapag pumasok sila sa pag-aasawa, maraming tao ang pumipiga ng kanilang utak sa kakaisip ng iba’t ibang paraan upang mapanatiling “sariwa” ang kanilang pagsasama bilang mag-asawa. Ano ang ibig sabihin ng “sariwa”? Ito ay nangangahulugan, gaya nga ng sabi nila, na kahit gaano katagal na silang mag-asawa, palaging nararamdaman ng dalawang tao na sila ay magkadikit at hindi maaaring maghiwalay kailanman, katulad lamang noong bago pa lang sila naging magkarelasyon, at gusto nilang palagi silang magkadikit at na hindi maghiwalay kailanman. Bukod dito, saanman sila naroroon at sa lahat ng oras, palagi nilang naiisip ang kanilang kabiyak at nangungulila rito, at ang kanilang puso ay puno ng boses, ngiti, pananalita, at kilos ng kanilang kabiyak. Kung hindi nila naririnig ang boses ng kanilang kabiyak sa loob ng isang araw, labis na nalulumbay ang kanilang puso, at kung hindi nila nakikita ang kanilang kabiyak sa loob ng isang araw, para bang nawalan na sila ng kaluluwa. Sa palagay nila, ito ang mga simbolo at tanda ng kaligayahan sa pag-aasawa. Kaya, ang ilang tinaguriang maybahay ay nananatili sa bahay at iniisip nilang ang paghihintay sa kanilang mister na makauwi ay ang pinakamasayang bagay. Kung hindi umuuwi sa tamang oras ang kanilang mister, tinatawagan nila ito, at ano ang unang tanong na lumalabas sa kanilang bibig? (Anong oras ka uuwi?) Mukhang madalas ninyo itong naririnig—ang tanong na ito ay malalim na nakaugat sa puso ng karamihan. Ang unang tanong ay “Anong oras ka uuwi?” Pagkatapos itanong ito, nakatanggap man sila ng tumpak na sagot o hindi, ano’t anuman, nabubunyag ang pagiging tuliro ng isang babaeng may masayang buhay may-asawa. Ito ay isang normal na kalagayan sa buhay ng mga taong naghahangad ng kaligayahan sa pag-aasawa. Tahimik silang naghihintay sa bahay sa pag-uwi ng kanilang kabiyak mula sa trabaho. Kung lalabas sila, hindi sila nangangahas na pumunta sa malayo o magtagal sa labas, natatakot silang madaratnan ng kanilang kabiyak ang bahay nila na walang tao, at na ito ay labis na masasaktan, madidismaya, at sasama ang loob. Ang mga taong ito ay puno ng pag-asa at pananalig sa kanilang paghahangad ng kaligayahan sa pag-aasawa, at hindi sila nag-aatubiling magbayad ng anumang halaga o gumawa ng anumang pagbabago. May ilan pa nga na patuloy na naghahangad ng kaligayahan sa pag-aasawa, gaya lang ng kanilang ginagawa noon, kahit pagkatapos nilang sumampalataya sa Diyos, naghahangad silang mahalin ang kanilang kabiyak at palagi nilang tinatanong ang kanilang kabiyak kung mahal ba sila nito. Kaya, sa mga pagtitipon, maaaring iisipin ng isang babae na, “Nakauwi na kaya ang asawa ko? Kung nakauwi na siya, nakakain na kaya siya? Pagod kaya siya? Nandito pa ako sa pagtitipon na ito at medyo hindi ako mapalagay. Medyo nararamdaman ko na napabayaan ko siya.” Pagdalo niya sa susunod na pagtitipon, itatanong niya sa kanyang asawa, “Anong oras ka kaya makakauwi? Kapag nasa pagtitipon pa ako pagkauwi mo, hindi ka ba malulungkot?” Sasagot ang kanyang asawa, “Paanong hindi ako malulungkot? Walang tao sa bahay at nag-iisa lang ako. Karaniwan ay palagi tayong magkasama rito, at ngayon, bigla na lang akong mag-isa rito. Bakit ba kailangan mong palaging dumalo sa mga pagtitipon? Pwede ka namang dumalo sa mga iyon, pero maganda sana kung mas maaga kang makakauwi kaysa sa akin!” Nararamdaman niya sa kanyang puso, “Hindi naman malaki ang hinihiling niya sa akin, kailangan ko lang na maunahan siya sa pag-uwi.” Sa susunod na pagtitipon, palagi siyang tumitingin sa orasan, at kapag nakikita niyang malapit nang umuwi ang kanyang asawa mula sa trabaho, hindi na siya mapakali at sinasabi niya na, “Magpatuloy lang kayo, may kailangan akong asikasuhin sa bahay kaya aalis na ako.” Nagmamadali siyang umuwi at iniisip niya, “Buti na lang, hindi pa nakauwi ang asawa ko! Magmamadali akong magluto at mag-ayos ng bahay para pagkauwi niya, makikita niyang malinis ito, maaamoy niya ang pagkain, at malalaman niyang may tao rito. Maganda na magkakasama kami kapag oras na ng kainan! Bagaman nabawasan ang oras ko sa pagtitipon at mas kaunti ang napakinggan at nakamit ko, magandang bagay pa rin na nakauwi ako bago bumalik ang asawa ko at mahahainan ko siya ng mainit na pagkain, at ito ay pangunahing mahalaga sa pagpapanatili ng kaligayahan sa pag-aasawa.” Pagkatapos ay madalas na niya itong ginagawa sa mga pagtitipon, pero minsan ay natatagalan ang pagtitipon, at pagkauwi niya ng bahay, naroroon na ang kanyang asawa. Medyo hindi ito natutuwa at nasisiyahan sa kanya, at nagrereklamo ito, “Hindi ba pwedeng lumiban ka sa kahit isang pagtitipon lang? Hindi mo ba alam kung ano ang nararamdaman ko kapag wala ka sa bahay, at umuuwi ako at hindi kita nakikita rito? Naiinis ako!” Naaantig siya nang husto pagkarinig nito at iniisip niya, “Ang ibig niya talagang sabihin dito ay na talagang iniibig niya ako at hindi siya mabubuhay nang wala ako. Naiinis siya kapag nakikita niyang wala ako rito. Napakasaya ko! Bagaman medyo galit ang tono niya, nararamdaman ko pa rin ang pagmamahal niya sa akin. Kailangan kong mag-ingat sa susunod at kahit gaano pa kahaba ang pagtitipon, dapat akong umuwi nang maaga. Hindi ko pwedeng biguin ang kanyang pagmamahal para sa akin. Hindi mahalaga kung medyo kaunti lang ang nakakamit ko at kung medyo kaunti lang ang napapakinggan kong mga salita ng Diyos sa mga pagtitipon.” Mula noon, kapag dumadalo siya sa mga pagtitipon, ang tanging naiisip niya ay ang makauwi na sa bahay para maging karapat-dapat sa pagmamahal ng kanyang asawa at para mapanatili ang kaligayahan na kanyang hinahangad sa buhay may-asawa. Medyo may palagay siya na kung hindi siya makakauwi nang maaga, bibiguin niya ang pagmamahal sa kanya ng kanyang asawa, at kung patuloy niya itong bibiguin nang ganoon, iniisip niya na baka maghanap ito ng iba at hindi na siya iibigin nito nang gaya ng dati. Naniniwala siya na palaging isang kaligayahan ang umibig at ang ibigin, at na ang pagpapanatili sa relasyong ito ng pag-iibigan ay ang kanyang hinahangad sa buhay, isang bagay na determinado siyang hangarin, kaya iyon ang ginagawa niya nang walang pag-aatubili o pag-aalinlangan. May ilang tao pa nga na, kapag umaalis at gumaganap ng kanilang tungkulin sa labas ng bahay, ay madalas nagsasabi sa kanilang lider, “Hindi ako pwedeng magpalipas nang magdamag nang wala sa bahay. May asawa ako, kaya kung hindi ako uuwi, malulungkot ang asawa ko. Sasama ang loob niya kung wala ako roon kapag nagising siya sa gabi. Masasaktan siya kapag wala ako roon pagdilat niya ng kanyang mga mata sa umaga. Kung madalas akong hindi uuwi, hindi ba’t pagdududahan ng asawa ko ang aking katapatan at kalinisan ng konsensiya? Nang magpakasal kami, nagkasundo kami na maging tapat sa isa’t isa. Anuman ang mangyari, kailangan kong tuparin ang aking pangako. Gusto kong maging karapat-dapat sa kanya, dahil wala nang ibang nagmamahal sa akin nang ganito sa mundong ito. Kaya, upang mapatunayan na malinis ang aking konsensiya at na ganap akong tapat sa kanya, hindi talaga pwedeng wala ako sa bahay buong magdamag. Kahit gaano pa kaabala ang gawain ng iglesia o kahit gaano pa kaapurahan ang aking tungkulin, kailangan kong umuwi kahit dis-oras na ng gabi.” Sinasabi niya na ito ay para mapanatili ang kanyang kalinisan ng konsensiya at katapatan, ngunit ito ay isang pormalidad lamang, mga salita lamang, samantalang ang totoo ay natatakot lang siyang maging malungkot at na maghiwalay silang mag-asawa. Mas gugustuhin niyang mawala ang kanyang tungkulin at talikdan ang tungkuling dapat niyang gampanan upang mapanatili ang kanyang kaligayahan sa pag-aasawa, na para bang ang kaligayahan sa pag-aasawa ang kanyang motibasyon at ang pinagmumulan ng lahat ng kanyang ginagawa. Kung walang masayang buhay may-asawa, hindi niya magagampanan ang tungkulin ng isang nilikha; kung walang masayang buhay may-asawa, hindi niya magagawang maging isang mabuting nilikha. Itinuturing niya ang hindi pagbigo sa pag-ibig sa kanya ng kanyang asawa at ang manatiling iniibig nito bilang mga tanda ng kaligayahan sa pag-aasawa at ang mga layon sa buhay na dapat niyang hangarin. Kapag isang araw ay nararamdaman niya na hindi na siya masyadong iniibig ng kanyang asawa o may nagawa siyang mali at binigo niya ang pag-ibig sa kanya ng kanyang asawa, na nagiging dismayado ang kanyang asawa sa kanya at hindi ito natutuwa sa kanya, mararamdaman niya na parang mawawalan siya ng katinuan, hindi na siya dadalo sa mga pagtitipon o magbabasa ng mga salita ng Diyos, at kahit na kapag kailangan ng iglesia na gumanap siya ng ilang tungkulin, kung ano-ano ang kanyang idadahilan para makatanggi. Halimbawa, sasabihin niya na masama ang pakiramdam niya o na mayroong apurahang isyu sa bahay, at gagamit pa nga siya ng mga walang kabuluhan at mabababaw na palusot para makaiwas sa pagganap ng tungkulin. Itinuturing ng mga taong ito ang kaligayahan sa pag-aasawa bilang labis na mahalaga sa buhay. Ibinibigay pa nga ng ilang tao ang lahat ng kanilang makakaya upang mapanatili ang kaligayahan sa kanilang buhay may-asawa, at hindi sila nag-aatubiling magbayad ng anumang halaga para itali ang puso ng kanilang asawa at kumapit rito upang palagi silang iibigin ng kanilang asawa, nang hindi kailanman nawawala ang pagmamahal na mayroon sila noong bagong kasal sila, at hindi kailanman nawawala ang nararamdaman nila tungkol sa pag-aasawa sa simula pa lang. May ilang babae pa nga na nagsasakripisyo pa nang mas malaki: May ilang nagpapatangos ng kanilang ilong, may ilang nagpapabago ng hugis ng kanilang baba, at may ilang nagpapalaki ng kanilang dibdib at nagpapatanggal ng taba, tinitiis nila ang anumang sakit. May ilang babae pa ngang nag-iisip na masyadong mataba ang kanilang mga binti, kaya nagpapa-opera sila para mapapayat ang kanilang mga binti, at sa huli ay napipinsala ang kanilang mga nerve at hindi na sila makatayo. Kapag nakikita ito ng mister ng ganitong babae, sinasabi nito, “Mataba ang binti mo noon, pero normal na tao ka pa rin naman noon. Ngayon ay hindi ka na makatayo, at wala ka nang silbi. Gusto ko nang makipagdiborsiyo!” Kita mo, nagbayad siya ng gayon kalaking halaga at ito ang kanyang napala sa huli. May ilang babae rin na nagbibihis nang maganda araw-araw, na nagpapabango at nagpupulbo ng kanilang mukha. Naglalagay sila ng iba’t ibang uri ng kolorete sa mukha tulad ng lipstick, blusher, at eye shadow para manatili silang mukhang bata at maganda upang maging kaakit-akit sila sa kanilang kabiyak at upang ibigin sila ng kanilang kabiyak gaya noong una. Gayundin, marami ring isinasakripisyo ang mga lalaki para sa kaligayahan sa pag-aasawa. May isang tao na sinabihan ng, “Kilala ka ng maraming tao bilang isang mananampalataya sa Diyos. Napakaraming tao rito ang nakakakilala sa iyo, kaya nanganganib kang maisumbong at maaresto, kaya kailangan mong umalis dito at gampanan ang iyong tungkulin sa ibang lugar.” Pagkatapos ay nababagabag siya at iniisip niya, “Pero kung aalis ako, ibig sabihin ba ay katapusan na ng aking buhay may-asawa? Magsisimula na ba itong gumuho ngayon? Kung aalis ako sa bahay, maghahanap ba ng iba ang aking asawa? Maghihiwalay na ba kami simula ngayon? Hindi na ba kami muling magkakasama?” Nalulungkot siya habang iniisip ang mga bagay na ito, at kaya nagsisimula siyang makipagtawaran, sinasabi niya, “Pwede ba akong manatili? Ayos lang kahit isang beses lang akong umuwi sa isang linggo—kailangan kong alagaan ang pamilya ko!” Ang totoo, hindi talaga niya iniisip ang pag-aalaga sa kanyang pamilya. Natatakot siya na makakahanap ng iba ang kanyang asawa at na hindi na siya magkakaroon ng anumang kaligayahan sa pag-aasawa. Ang kanyang puso ay puno ng pangamba at takot, ayaw niyang mawala at maglaho nang ganito ang kaligayahan sa kanyang pag-aasawa. Sa puso ng gayong mga tao, ang kasiyahan sa pag-aasawa ay mas mahalaga kaysa anupaman, at kung wala ito, pakiramdam nila ay para bang ganap silang walang kaluluwa. Naniniwala sila na “Ang pag-ibig ang pinakamahalagang bagay sa isang masayang buhay mag-asawa. Kaya lamang masaya ang aming pagsasama at kaya lang kami nagtagal nang ganito ay dahil iniibig ko ang aking asawa at iniibig din niya ako. Kung mawawala sa akin ang pag-ibig na ito at magwawakas ang pagmamahalan na ito dahil sa pananampalataya ko sa Diyos at pagganap ko sa aking tungkulin, hindi ba’t ibig sabihin niyon ay tapos na at naglaho na ang aking kaligayahan sa pag-aasawa, at na hindi ko na muling matatamasa ang kaligayahan na ito sa pag-aasawa? Kung wala ang kaligayahan sa pag-aasawa, ano ang mangyayari sa amin? Ano ang magiging buhay ng aking misis kung wala ang pag-ibig ko? Ano ang mangyayari sa akin kung mawawala sa akin ang pagmamahal ng aking misis? Mapupunan ba ng pagganap sa tungkulin ng isang nilikha at ng pagsasakatuparan sa misyon ng tao sa harap ng Diyos ang kawalan na ito?” Hindi nila alam, wala silang kasagutan, at hindi nila nauunawaan ang aspektong ito ng katotohanan. Kaya, kapag hinihingi ng sambahayan ng Diyos sa mga taong lubos na naghahangad ng kaligayahan sa pag-aasawa na lisanin ng mga ito ang kanilang tahanan at pumunta sa malayong lugar upang ipalaganap ang ebanghelyo at gampanan ang kanilang tungkulin, madalas ay nadidismaya ang mga ito, pakiramdam ng mga ito ay wala silang magawa, at nababagabag ang mga ito sa katunayan na maaaring malapit nang mawala sa kanila ang kanilang kaligayahan sa pag-aasawa. May ilang tao na tumatalikod o tumatangging gampanan ang kanilang mga tungkulin upang mapanatili nila ang kanilang kaligayahan sa pag-aasawa, at may ilan pa nga na tumatanggi sa mahahalagang pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos. Mayroon ding ilan na madalas na inaalam ang damdamin ng kanilang asawa upang mapanatili ang kanilang kaligayahan sa pag-aasawa. Kapag nakakaramdam ng bahagyang pagkainis ang kanilang asawa sa kanilang pananampalataya o kahit bahagya lang nitong ipinapakita na hindi ito natutuwa o nasisiyahan sa kanilang pananampalataya, sa landas ng pananampalataya sa Diyos na kanilang tinatahak, at sa kanilang pagganap ng tungkulin, agad silang nagbabago ng direksiyon at nakikipagkompromiso. Para mapanatili ang kanilang kaligayahan sa pag-aasawa, madalas silang nakikipagkompromiso sa kanilang asawa, kahit pa mangahulugan ito ng pagsuko sa mga oportunidad na magampanan ang kanilang tungkulin, at pagsuko sa oras na para sa mga pagtitipon, sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, at sa pagsasakatuparan ng mga espirituwal na debosyon, para lang maipakita sa kanilang asawa na sinasamahan nila ito, para hindi maramdaman ng kanilang asawa na nag-iisa ito at nalulumbay, at para maipadama nila sa kanilang asawa ang kanilang pagmamahal; mas gugustuhin pa nilang gawin ito kaysa mawala ang pagmamahal ng kanilang asawa o mawalay sa pagmamahal nito. Ito ay dahil nararamdaman nila na, kung isusuko nila ang pag-ibig ng kanilang asawa alang-alang sa kanilang pananampalataya o sa landas ng pananampalataya sa Diyos na kanilang tinatahak, ibig sabihin nito ay tinalikdan na nila ang kanilang kaligayahan sa pag-aasawa at hindi na nila ito mararamdaman, at sila ay magiging isang taong nag-iisa, kaawa-awa, at kahabag-habag. Ano ang ibig sabihin ng pagiging kaawa-awa at kahabag-habag? Ang ibig sabihin nito ay isang taong walang pag-ibig o pagmamahal ng iba. Bagaman nauunawan ng mga taong ito ang ilang doktrina at ang kahalagahan ng pagsasagawa ng Diyos sa Kanyang gawain ng pagliligtas, at siyempre, nauunawaan nila na bilang isang nilikha ay dapat nilang gampanan ang tungkulin ng isang nilikha, dahil ipinagkakatiwla nila sa kanilang asawa ang kanilang sariling kaligayahan at siyempre, iniaasa rin nila ang kanilang sariling kaligayahan sa kanilang kaligayahan sa pag-aasawa, bagaman nauunawaan at alam nila ang kanilang dapat gawin, hindi pa rin nila kayang bitiwan ang kanilang paghahangad ng kaligayahan sa pag-aasawa. Mali nilang itinuturing ang paghahangad ng kaligayahan sa pag-aasawa bilang ang misyon na dapat nilang hangarin sa buhay na ito, at mali nilang itinuturing ang paghahangad ng kaligayahan sa pag-aasawa bilang ang misyon na dapat hangarin at isakatuparan ng isang nilikha. Hindi ba’t ito ay isang pagkakamali? (Oo, ito ay isang pagkakamali.)
Ano ang mali sa paghahangad ng kaligayahan sa pag-aasawa? Ito ba ay naaayon sa depinisyon ng Diyos sa pag-aasawa at sa ipinagkakatiwala niya sa mga may asawa? (Hindi.) Ano ang mali rito? Sinasabi ng ilang tao, “Sinabi ng Diyos na hindi maganda para sa isang lalaki na mamuhay nang mag-isa, kaya nilikha Niya ang isang asawa para sa lalaki, at sinasamahan ng asawang ito ang lalaki. Hindi ba’t iyon ang depinisyon ng Diyos sa pag-aasawa? Hindi ba’t parte ito ng paghahangad ng kaligayahan sa pag-aasawa? Ang dalawang taong nagsasama at gumagampan sa mga responsabilidad sa isa’t isa—ano ang mali roon?” May pagkakaiba ba sa paggampan sa mga responsabilidad sa loob ng balangkas ng pag-aasawa at sa walang pag-aalinlangan na pagturing sa paghahangad ng kaligayahan sa pag-aasawa bilang misyon ng isang tao? (Oo, mayroon.) Ano ang problema rito? (Itinuturing nila ang paghahangad ng kaligayahan sa pag-aasawa bilang ang kanilang pinakamahalagang misyon, samantalang ang totoo, ang pinakamalaking responsabilidad ng nabubuhay na tao ay ang gampanan ang kanyang tungkulin bilang isang nilikha sa harap ng Lumikha. Nagkamali sila ng pagkaunawa sa layon na dapat hangarin sa buhay.) May gusto pa bang magsalita tungkol dito? (Kapag hindi maharap nang tama ng isang tao ang mga responsabilidad at obligasyon na dapat niyang tuparin sa buhay may-asawa, gugugulin niya ang kanyang oras at enerhiya sa pagpapanatili ng kanyang buhay may-asawa. Gayunpaman, ang tamang pagharap sa mga responsabilidad ng pag-aasawa ay, una sa lahat, ang huwag kalimutan na ang isang tao ay isang nilikha at na dapat niyang gugulin ang karamihan ng kanyang oras sa paggampan ng kanyang tungkulin at pagsasakatuparan ng ipinagkakatiwala sa kanya ng Diyos at ng misyon na ibinibigay sa kanya ng Diyos. Pagkatapos ay dapat niyang tuparin ang kanyang mga responsabilidad at obligasyon sa loob ng balangkas ng pag-aasawa. Ang dalawang bagay na ito ay magkaiba.) Ang paghahangad ba ng kaligayahan sa pag-aasawa ang layon na dapat hangarin ng mga tao sa buhay kapag sila ay may asawa na? May kinalaman ba ito sa pag-aasawa na inorden ng Diyos? (Wala.) Ipinagkaloob ng Diyos ang pag-aasawa sa tao, at ipinagkaloob Niya sa inyo ang isang kapaligiran kung saan maaari mong tuparin ang mga responsabilidad at obligasyon ng isang lalaki o babae sa loob ng balangkas ng pag-aasawa. Ipinagkaloob ng Diyos sa iyo ang pag-aasawa, na ibig sabihin ay ipinagkaloob Niya sa iyo ang isang kabiyak. Sasamahan ka ng kabiyak na ito hanggang sa katapusan ng buhay na ito at sasamahan ka sa bawat yugto ng buhay. Ano ang ibig Kong sabihin sa “sasamahan”? Ibig Kong sabihin ay tutulungan at aalagaan ka ng iyong kabiyak, makakasalo mo siya sa lahat ng bagay na iyong makakaharap sa buhay. Ibig sabihin, gaano man karaming bagay ang kakaharapin mo, hindi mo na haharapin ang mga ito nang mag-isa, sa halip, dalawa kayong magkasama na haharap sa mga ito. Nagiging medyo mas madali at panatag ang buhay sa pamamagitan ng pamumuhay sa ganitong paraan, kung saan parehong ginagawa ng bawat isa ang nararapat nilang gawin, pareho nilang ginagamit ang kanilang mga kasanayan at kalakasan, at sinisimulan ang kanilang buhay. Ganoon lang ito kasimple. Gayunpaman, hindi kailanman iginiit ng Diyos sa mga tao na, “Pinagkalooban kita ng pag-aasawa. May asawa ka na ngayon kaya talagang dapat mong mahalin ang iyong kabiyak hanggang sa huli, at palagi mo siyang purihin—ito ang iyong misyon.” Ipinagkaloob ng Diyos sa iyo ang pag-aasawa, ipinagkaloob sa iyo ang isang kabiyak, at ipinagkaloob sa iyo ang naiibang kapaligiran ng pamumuhay. Sa loob ng ganitong uri ng kapaligiran at sitwasyon ng pamumuhay, ang Diyos ay nagbibigay-daan na makibahagi ang iyong kabiyak sa lahat ng bagay at na harapin ninyo ang lahat nang magkasama, upang makapamuhay ka nang mas malaya at madali, habang tinutulutan kang makita ang kahalagahan ng ibang yugto ng buhay. Gayunpaman, hindi ka ipinagkanulo ng Diyos sa pag-aasawa. Ano ang ibig Kong sabihin dito? Ibig Kong sabihin, hindi binawi ng Diyos ang iyong buhay, kapalaran, misyon, ang landas na iyong tinatahak sa buhay, ang direksiyon na iyong pinipili sa buhay, at ang uri ng pananalig na mayroon ka at hindi Niya ito ibinigay sa iyong kabiyak upang ang iyong kabiyak ang magtakda nito para sa iyo. Hindi Niya sinabi na ang uri ng kapalaran, mga paghahangad, landas sa buhay, at pananaw sa buhay ng isang babae ay dapat na itakda ng kanyang mister, o na ang uri ng kapalaran, mga paghahangad, pananaw sa buhay, at buhay ng isang lalaki ay dapat na itakda ng kanyang misis. Hindi kailanman sinabi ng Diyos ang gayong mga bagay at hindi Niya inorden ang mga bagay sa ganitong paraan. Kita mo, sinabi ba ng Diyos ang gayong bagay nang itatag Niya ang pag-aasawa para sa sangkatauhan? (Hindi.) Hindi kailanman sinabi ng Diyos na ang paghahangad ng kaligayahan sa pag-aasawa ay misyon sa buhay ng isang babae o lalaki, at na dapat mong panatilihing mabuti ang kasiyahan ng iyong buhay may-asawa upang maisakatuparan ang misyon sa iyong buhay at upang magtagumpay ka sa pag-asal bilang isang nilikha—hindi kailanman sinabi ng Diyos ang gayong bagay. Hindi rin sinabi ng Diyos na, “Dapat mong piliin ang landas ng iyong buhay sa loob ng balangkas ng pag-aasawa. Makakamit mo man ang kaligtasan o hindi ay itatakda ng iyong buhay may-asawa at ng iyong asawa. Ang iyong pananaw sa buhay at kapalaran ay itatakda ng iyong asawa.” Kahit minsan ba ay sinabi ng Diyos ang gayong bagay? (Hindi.) Inorden ng Diyos ang pag-aasawa para sa iyo at pinagkalooban ka Niya ng isang kabiyak. Pumapasok ka sa pag-aasawa ngunit hindi nagbabago ang iyong pagkakakilanlan at katayuan sa harap ng Diyos—ikaw pa rin iyan. Kung ikaw ay isang babae, babae ka pa rin sa harap ng Diyos; kung ikaw ay isang lalaki, lalaki ka pa rin sa harap ng Diyos. Ngunit may isang bagay na pareho sa inyo, at iyon ay, lalaki ka man o babae, kayong lahat ay nilikha sa harap ng Lumikha. Sa loob ng balangkas ng pag-aasawa, kayo ay nagpaparaya at nagmamahal sa isa’t isa, nagtutulungan at sumusuporta sa isa’t isa, at ito ay pagtupad sa inyong mga responsabilidad. Ngunit sa harap ng Diyos, ang mga responsabilidad na dapat mong tuparin at ang misyon na dapat mong isakatuparan ay hindi maaaring mapalitan ng mga responsabilidad na tinutupad mo para sa iyong kabiyak. Kaya, kapag hindi nagkakatugma ang iyong mga responsabilidad sa iyong kabiyak at ang tungkulin na dapat gampanan ng isang nilikha sa harap ng Diyos, ang dapat mong piliin ay ang gampanan ang tungkulin ng isang nilikha at hindi ang tuparin ang iyong mga responsabilidad sa iyong kabiyak. Ito ang direksiyon at layunin na dapat mong piliin at, siyempre, ito rin ang misyon na dapat mong isakatuparan. Gayunpaman, may ilang tao na nagkakamali dahil ginagawa nilang misyon ng kanilang buhay ang paghahangad ng kaligayahan sa pag-aasawa, o ang pagtupad ng kanilang mga responsabilidad sa kanilang kabiyak, at ang kanilang pagmamalasakit, pag-aalaga, at pagmamahal sa kanilang kabiyak, at itinuturing nila ang kanilang kabiyak bilang ang kanilang langit, ang kanilang tadhana—mali ito. Ang iyong tadhana ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at hindi ito pinamamahalaan ng iyong kabiyak. Hindi mababago ng pag-aasawa ang iyong tadhana, ni ang katunayan na ang Diyos ang namamahala sa iyong tadhana. Tungkol sa uri ng pananaw sa buhay na dapat mong taglayin at sa landas na dapat mong sundin, dapat mong hanapin ang mga ito sa mga salita ng itinuturo at mga hinihingi ng Diyos. Hindi nakasalalay ang mga bagay na ito sa iyong kabiyak at hindi siya ang magtatakda sa mga ito. Bukod sa pagtupad ng kanyang mga responsabilidad sa iyo, hindi siya ang dapat na may kontrol sa iyong tadhana, o hindi niya dapat hilingin na baguhin mo ang iyong direksiyon sa buhay, ni hindi niya dapat itakda kung anong landas ang susundin mo, o itakda kung anong pananaw sa buhay ang dapat mayroon ka, lalong hindi ka niya dapat pigilan o hadlangan sa paghahangad sa kaligtasan. Pagdating sa pag-aasawa, ang magagawa lamang ng mga tao ay tanggapin ito mula sa Diyos at sundin ang depinisyon ng pag-aasawa na inorden ng Diyos para sa tao, kung saan ang parehong mag-asawa ay tumutupad sa kanilang mga responsabilidad at obligasyon sa isa’t isa. Ang hindi nila magagawa ay ang itakda ang tadhana, nakaraang buhay, kasalukuyang buhay, o ang susunod na buhay ng kanilang kabiyak, lalo na ang buhay na walang-hanggan. Ang iyong hantungan, ang iyong tadhana, at ang landas na iyong susundin ay maaari lamang itakda ng Lumikha. Kaya, bilang isang nilikha, ang iyong papel man ay bilang isang misis o mister, ang kasiyahan na dapat mong hangarin sa buhay na ito ay nagmumula sa paggampan mo ng tungkulin ng isang nilikha at pagsasakatuparan sa misyon ng isang nilikha. Hindi ito nagmumula sa pag-aasawa mismo, lalong hindi sa pagtupad mo ng mga responsabilidad ng isang asawa sa loob ng balangkas ng pag-aasawa. Siyempre, ang landas na iyong pinipiling sundin at ang pananaw sa buhay na iyong ginagamit ay hindi dapat nakabatay sa kaligayahan sa pag-aasawa, lalong hindi ito dapat nakatakda batay sa isa sa mag-asawa—ito ay isang bagay na dapat mong maunawaan. Kaya, ang mga taong pumapasok sa pag-aasawa na naghahangad lamang ng kaligayahan sa pag-aasawa at tumitingin sa paghahangad na ito bilang kanilang misyon ay dapat na bumitiw sa gayong mga kaisipan at pananaw, dapat nilang baguhin ang paraan ng kanilang pagsasagawa, at baguhin ang direksiyon ng kanilang buhay. Pumapasok ka sa pag-aasawa at namumuhay kasama ang iyong kabiyak sa ilalim ng ordinasyon ng Diyos, iyon lamang, at sapat na ito upang tuparin ang mga responsabilidad ng isang misis o mister habang magkasama kayo sa buhay. Tungkol naman sa kung anong landas ang iyong sinusunod at anong pananaw sa buhay ang iyong ginagamit, ang iyong kabiyak ay walang obligasyon at walang karapatan na itakda ang mga bagay na ito. Kahit na ikaw ay kasal na at may asawa na, ang iyong diumano’y kabiyak ay maaari lamang magdala sa depinisyon ng pagiging isang kabiyak na inorden ng Diyos. Maaari lamang niyang tuparin ang mga responsabilidad ng isang kabiyak, at maaari kang pumili at magdesisyon sa lahat ng iba pang bagay na walang kaugnayan sa iyong kabiyak. Siyempre, ang mas mahalaga pa ay na ang iyong mga pinili at desisyon ay hindi dapat nakabatay sa iyong sariling kagustuhan at pagkaunawa, bagkus ay sa mga salita ng Diyos. Nauunawaan mo ba ang pagbabahagi sa bagay na ito? (Oo.) Kaya, ang mga ikinikilos ng sinumang kabiyak sa loob ng balangkas ng pag-aasawa na pursigido sa paghahangad ng kaligayahan sa pag-aasawa o gumagawa ng anumang sakripisyo ay hindi gugunitain ng Diyos. Gaano man kahusay o kaperpekto ang pagtupad mo sa iyong mga obligasyon at responsabilidad mo sa iyong kabiyak, o gaano mo man natutugunan ang mga ekspektasyon ng iyong kabiyak—sa madaling salita, gaano mo man kahusay o kaperpekto na napapanatili ang iyong kaligayahan sa pag-aasawa, o gaano man ito kakahanga-hanga—hindi ito nangangahulugan na natupad mo na ang misyon ng isang nilikha, hindi rin ito nagpapatunay na ikaw ay isang nilikha na pasok sa pamantayan. Marahil, ikaw ay isang perpektong asawa, ngunit nasa loob pa rin ito ng balangkas ng pag-aasawa. Sinusukat ng Lumikha kung anong uri ka ng tao batay sa kung paano mo ginagampanan ang tungkulin ng isang nilikha sa Kanyang harapan, kung anong uri ng landas ang iyong tinatahak, kung ano ang iyong pananaw sa buhay, kung ano ang iyong hinahangad sa buhay, at kung paano mo isinasakatuparan ang misyon ng isang nilikha. Gamit ang mga bagay na ito, sinusukat ng Diyos ang landas na sinusunod mo bilang isang nilikha at ang iyong patutunguhan sa hinaharap. Hindi Niya sinusukat ang mga bagay na ito batay sa kung paano mo tinutupad ang iyong mga responsabilidad at obligasyon bilang asawa, o batay sa kung ang pag-ibig mo sa iyong kabiyak ay nakalulugod sa iyong kabiyak. Tungkol naman sa usaping ang paghahangad ng kaligayahan sa pag-aasawa ay hindi ang iyong misyon, ibinigay Ko ngayon ang mga detalyeng ito upang tapusin na ang paksang ito. Kita mo, kung hindi Ako magbabahagi tungkol sa mga isyung ito, baka isipin ng mga tao na nauunawaan at alam nila nang kaunti ang mga ito, ngunit kapag may aktuwal na nangyayari sa kanila, naiipit at nahahadlangan pa rin sila ng maraming paimbabaw na isyu, nagnanais na tuparin ang mga obligasyon ng isang asawa habang nagnanais din na gawing mabuti ang mga bagay na dapat gawin ng isang tao, ng isang nilikha. Gayunpaman, kapag sinasalungat, kinokontra, o hinahadlangan ng dalawang bagay na ito ang isa’t isa, hindi lubos na malinaw kung paano ito dapat pangasiwaan ng isang tao. Malinaw na ba ito ngayon matapos pagbahaginan sa ganitong paraan? (Oo.) May pagkakaiba sa pagitan ng mga bagay na pinaniniwalaan ng mga tao na mabuti at tama sa kanilang mga kuru-kuro sa isang banda at ng mga bagay na positibo, tama, at mabuti ayon sa katotohanan sa kabilang banda. Kapag ito ay ipinaliliwanag, ito ay nagiging malinaw. Ang mga bagay na pinaniniwalaan ng mga tao na positibo at mabuti ay madalas na puno ng mga kuru-kuro, imahinasyon, at damdamin ng tao, at walang kaugnayan ang mga ito sa katotohanan. Ano ang ibig Kong sabihin sa “walang kaugnayan”? Ibig Kong sabihin ay hindi ang mga ito ang katotohanan. Kung ituturing mo ang mga bagay na mali at ang mga bagay na hindi ang katotohanan bilang mga positibong bagay at bilang ang katotohanan, at sinusunod mo ang mga ito at mahigpit kang kumakapit sa mga ito, naniniwala na ang mga ito ang katotohanan, kung gayon, hindi ka makakatahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan, at sa huli ay labis kang malalayo sa katotohanan. At sino ang may pananagutan doon?
Ang paksang kakatapos lang nating pagbahaginan ay ang dapat bitiwan ng mga tao ang paghahangad ng kaligayahan sa pag-aasawa, at na sapat na ang tuparin lamang ang kanilang mga responsabilidad sa loob ng balangkas ng pag-aasawa. Natapos na natin ang pagbabahaginan tungkol sa pagbitiw sa paghahangad ng kaligayahan sa pag-aasawa, kaya ngayon ay magbabahaginan tayo sa isa pang isyu: Hindi ka alipin ng pag-aasawa. Ito ay isang isyu na dapat nating pagbahaginan. Pagkatapos nilang magpakasal, ano ang pinaniniwalaan ng ilang tao? “Ganito na ang buhay ko ngayon. Nakatadhana akong mamuhay kasama ang taong ito habambuhay. Ang aking mga magulang at ang mga nakatatanda sa aming pamilya ay hindi ang mga habambuhay kong maaasahan, ni mga kaibigan ko. Kaya, sino ang aking habambuhay na maaasahan? Ang taong kasama ko sa pagpasok sa pag-aasawa ang siyang aking maaasahan habambuhay.” Sa pang-uudyok ng ganitong mga kaisipan, itinuturing ng maraming tao ang pag-aasawa bilang napakahalaga, naniniwala na kapag sila ay nag-asawa, magkakaroon sila ng matatag na buhay, ng ligtas na tahanan, at ng taong mapagsasabihan nila ng kanilang niloloob. Sinasabi ng mga babae, “Sa pamamagitan ng pag-aasawa, mayroon akong malalakas na bisig na masasandalan.” Sinasabi ng mga lalaki, “Sa pamamagitan ng pag-aasawa, mayroon akong isang payapang tahanan at hindi na ako magpapalaboy-laboy; naiisip ko pa lang ito ay napapasaya na ako. Tingnan mo ang mga tao sa paligid ko na walang asawa. Ang mga babae ay pagala-gala buong araw nang walang maaasahan, walang permanenteng tahanan, walang balikat na maiiyakan, at ang mga lalaki ay walang mapagmahal na tahanan. Sobra silang kaawa-awa!” Kaya, kapag iniisip nila ang kanilang sariling kaligayahan sa pag-aasawa, iniisip nila na ito ay lubos na nakapagbibigay ng kasiyahan. Bukod sa nadaramang kasiyahan, pakiramdam nila ay may dapat silang gawin para sa kanilang buhay may-asawa at para sa kanilang tahanan. Kaya, kapag nag-asawa na sila, ang ilang tao ay handang ialay ang lahat ng kanilang magagawa para sa kanilang buhay may-asawa, at naghahanda silang magsikap, makibaka, at magtrabaho nang mabuti para sa kanilang buhay may-asawa. Ang ilan ay desperadong kumikita ng pera at nagdurusa, at siyempre, higit pa nilang ipinagkakatiwala sa kanilang kabiyak ang kanilang kaligayan sa buhay. Naniniwala sila na kung sila ay natutuwa o nagagalak sa buhay ay nakasalalay sa kung ano ang katangian ng kanilang kabiyak, kung ito ba ay isang mabuting tao; kung magkatugma ba ang kanilang personalidad at mga hilig; kung ito ba ay isang taong may kakayahang maghanapbuhay at pamahalaan ang isang pamilya; kung ito ba ay isang taong kayang tiyakin ang kanilang mga pangunahing pangangailangan sa hinaharap, at makakapagbigay sa kanila ng isang masaya, matatag, at magandang pamilya; at kung ito ba ay isang taong kaya silang bigyang-ginhawa kapag sila ay may dinaranas na anumang pasakit, kapighatian, kabiguan o problema. Upang kumpirmahin ang mga bagay na ito, binibigyan nila ng espesyal na atensiyon ang kanilang kabiyak habang namumuhay sila nang magkasama. Maingat nilang inoobserbahan at itinatala ang mga iniisip, pananaw, pananalita at kilos, bawat galaw ng kanilang kabiyak, pati na rin ang anumang kalakasan at kahinaan nito. Detalyado nilang tinatandaan ang lahat ng iniisip, pananaw, salita, at pag-uugali sa buhay na ipinapakita ng kanilang kabiyak, upang mas maunawaan nila nang mabuti ang kanilang kabiyak. Kasabay nito, umaasa rin sila na mas mauunawaan sila nang mabuti ng kanilang kabiyak, binibigyan nila ng puwang ang kanilang kabiyak sa kanilang puso, at binibigyan nila ang kanilang sarili ng puwang sa puso ng kanilang kabiyak, upang mas mahusay nilang mapigilan ang isa’t isa, o upang sila ang unang taong lilitaw sa harap ng kanilang kabiyak sa tuwing may mangyayari, ang unang taong tutulong dito, ang unang taong titindig at susuporta rito, magpapalakas ng loob nito, at magiging matibay na tagasuporta nito. Sa ganitong kalagayan ng pamumuhay, hindi bihirang subukan ng mag-asawa na kilatisin kung anong uri ng tao ang kanilang kabiyak, ganap silang namumuhay sa kanilang damdamin para sa kanilang kabiyak, at ginagamit nila ang kanilang damdamin upang alagaan ang kanilang kabiyak, pagtiisan ito, pangasiwaan ang lahat ng kasalanan, kapintasan, at hinahangad nito, maging sa punto ng pagtugon sa bawat hinihingi nito. Halimbawa, sinasabi ng mister ng isang babae, “Sobrang haba ng mga pagtitipon ninyo. Dapat ay manatili ka lang doon nang kalahating oras at pagkatapos ay umuwi ka na.” Sumasagot naman ang babae, “Gagawin ko ang aking makakaya.” Totoo nga, sa sunod na pagpunta niya sa pagtitipon ay kalahating oras lamang siya roon at pagkatapos ay umuuwi na siya agad, at sinasabi na ngayon ng kanyang mister, “Mas mainam ang ganyan. Sa susunod, magpakita ka lang doon at pagkatapos ay umuwi ka na agad.” Sinasabi niya, “Ah, ganoon pala katindi ang pangungulila mo sa akin! Sige, gagawin ko ang aking makakaya.” Totoo nga, hindi niya binibigo ang kanyang asawa sa sunod niyang pagpunta sa pagtitipon, at umuuwi na siya pagkatapos lamang ng mga sampung minuto. Labis na nasisiyahan at natutuwa ang kanyang asawa, at sinasabi nito, “Mas mainam iyan!” Kung gusto nito na pumunta siya sa silangan, hindi siya mangangahas na magpunta sa kanluran; kung gusto nitong makita na tumatawa siya, hindi siya mangangahas na umiyak. Nakikita nito na nagbabasa siya ng mga salita ng Diyos at nakikinig sa mga himno at napopoot ito rito at nasusuklam, at sinasabi ng mister niya, “Ano ba ang silbi ng pagbabasa ng mga salitang iyan at pagkanta ng mga awit na iyan palagi? Hindi ba pwedeng huwag mong basahin ang mga salitang iyan o kantahin ang mga awit na iyan habang nasa bahay ako?” Sumasagot siya, “Sige na, sige na, hindi ko na babasahin ang mga ito.” Hindi na siya naglalakas-loob na magbasa ng mga salita ng Diyos o makinig sa mga himno. Dahil sa mga iginigiit ng kanyang mister, sa wakas ay nauunawaan niya na hindi nito gusto na siya ay manampalataya sa Diyos o magbasa ng mga salita ng Diyos, kaya sinasamahan na lang niya ito kapag ito ay nasa bahay, magkasama silang nanonood ng telebisyon, kumakain, nag-uusap, at pinakikinggan pa nga niya ang mga hinaing nito. Gagawin niya ang kahit ano para dito, basta’t ikasisiya ito ng kanyang mister. Naniniwala siya na ito ang mga responsabilidad na dapat tuparin ng isang asawa. Kaya, kailan niya binabasa ang mga salita ng Diyos? Hinihintay niyang makalabas ang kanyang mister, pagkatapos ay kinakandado niya ang pinto at nagmamadali siyang magsimulang magbasa. Kapag naririnig niyang may tao sa pinto, agad niyang itinatago ang libro at labis siyang natatakot kaya hindi na siya nagbabasa pa. At kapag binuksan niya ang pinto ay nakikita niyang hindi pa naman bumabalik ang kanyang asawa—nagkamali siya ng akala, kaya ipinagpapatuloy niya ang pagbabasa. Habang patuloy siyang nagbabasa, hindi siya mapakali, ninenerbiyos siya at natatakot, iniisip na, “Paano kung umuwi nga talaga siya? Mas mabuting itigil ko na muna ang pagbabasa sa ngayon. Tatawagan ko siya at tatanungin kung nasaan siya at kailan siya uuwi.” Kaya, tinatawagan niya ito at sinasabi nito sa kanya, “Medyo maraming ginagawa sa trabaho ngayon, kaya baka hindi ako makauwi bago mag-alas-tres o alas-kuwatro.” Kumalma siya dahil dito, ngunit mapapanatag pa rin ba ang kanyang isip para makapagbasa siya ng mga salita ng Diyos? Hindi; nagulo na ang kanyang isipan. Nagmamadali siyang humarap sa Diyos para manalangin, at ano ang sinasabi niya? Sinasabi ba niya na walang pananalig ang kanyang pananampalataya sa Diyos, na takot siya sa kanyang mister, at hindi niya mapatahimik ang kanyang isipan para makapagbasa siya ng mga salita ng Diyos? Pakiramdam niya ay hindi niya masasabi ang mga bagay na ito, kaya wala siyang masabi sa Diyos. Ngunit pagkatapos ay ipinipikit niya ang kanyang mga mata at ipinagsasalikop ang kanyang mga kamay. Kumakalma siya at hindi na gaanong nababalisa, kaya binabasa na niya ang mga salita ng Diyos, ngunit hindi niya nauunawaan ang mga salita. Iniisip niya, “Nasaan na ang binabasa ko kanina? Saan na ako nakarating sa aking pagninilay-nilay? Tuluyan ko nang nalimutan ang iniisip ko.” Habang mas pinag-iisipan niya ito, mas lalo siyang nayayamot at nababagabag: “Hindi na lang ako magbabasa ngayong araw. Hindi naman malaking problema kung makakaligtaan ko ang aking espirituwal na debosyon, ngayon lang naman.” Ano sa palagay mo? Maganda ba ang takbo ng buhay niya? (Hindi.) Ito ba ay pagkabagabag sa pag-aasawa o kaligayahan sa pag-aasawa? (Pagkabagabag.) Sa puntong ito, maaaring sabihin ng ilang taong walang asawa, “Kung gayon, nilamon ka na ng apoy, hindi ba? Wala namang espesyal sa pag-aasawa, hindi ba? Tingnan mo kung gaano kaganda ang buhay ko, wala akong iniisip na ibang tao, at walang pumipigil sa akin sa pagdalo sa mga pagtitipon at gawin ang aking tungkulin kailan ko man naisin.” Upang malugod sa iyo ang iyong kabiyak at mapapayag siya sa iyong paminsan-minsang pagbabasa ng mga salita ng Diyos o pagdalo sa pagtitipon, gumigising ka nang napakaaga araw-araw upang maghanda ng almusal, mag-ayos ng bahay, maglinis, magpakain ng mga manok, magpakain ng aso, at gawin ang lahat ng nakakapagod na gawain—kahit ang mga gawain na karaniwang ginagawa ng mga lalaki. Upang mapalugod ang iyong mister, walang humpay kang nagtatrabaho na tulad ng isang matandang alila. Bago umuwi ang iyong mister, pinapakintab mo ang kanyang mga sapatos na gawa sa katad at inaayos ang kanyang tsinelas, at kapag nakauwi na siya, nagmamadali kang pagpagin ang alikabok mula sa kanyang katawan at tulungan siyang hubarin ang kanyang coat at isabit ito, tinatanong mo siya, “Napakainit ngayon. Naiinitan ka ba? Nauuhaw ka ba? Ano ang gusto mong kainin ngayon? Maasim na pagkain ba o maanghang? Kailangan mo bang magpalit ng damit? Hubarin mo ang mga damit na iyan at lalabhan ko ang mga iyan para sa iyo.” Para kang isang matandang alila o isang alipin, lumalagpas ka na sa saklaw ng mga responsabilidad na dapat mong tuparin sa loob ng balangkas ng pag-aasawa. Ginagawa mo ang bawat hinihingi ng iyong mister, at itinuturing mo siya bilang iyong amo. Sa ganitong klase ng pamilya, halata ang pagkakaiba sa katayuan ng mag-asawa: Ang isa ay alipin, at ang isa ay amo; ang isa ay sunod-sunuran at mapagpakumbaba, habang ang isa ay mukhang mabagsik at mapang-utos; ang isa ay yumuyukod at nagpapakumbaba, habang ang isa ay puno ng kayabangan. Malinaw na hindi pantay ang katayuan ng dalawang tao sa loob ng balangkas ng pag-aasawa. Bakit ganito? Hindi ba’t ibinababa ng aliping ito ang kanyang sarili? (Oo.) Ibinababa ng alipin ang kanyang sarili. Nabigo kang itaguyod ang responsabilidad sa pag-aasawa na inorden ng Diyos sa sangkatauhan, at labis-labis na ang iyong ginawa. Ang iyong mister ay walang tinutupad na anumang responsabilidad at wala siyang ginagawa, ngunit ginagawa mo pa rin ang bawat hinihingi ng ganitong asawa at nagpapasakop ka sa kanyang awtoridad, kusang-loob na nagiging kanyang alipin at matandang alila para maglingkod sa kanya at gawin ang lahat para sa kanya—anong klase ka ng tao? Sino nga ba ang iyong Panginoon? Bakit hindi ka nagsasagawa nang ganito para sa Diyos? Inorden ng Diyos na ang iyong asawa ang magtustos para sa iyong buhay; ito ay isang bagay na dapat niyang gawin, wala kang anumang pagkakautang sa kanya. Ginagawa mo ang dapat mong gawin at tinutupad ang mga responsabilidad at obligasyon na dapat mong tuparin—ginagawa ba niya iyon? Ginagawa ba niya ang dapat niyang gawin? Sa buhay mag-asawa, hindi nangangahulugan na kung sinuman ang dominante ay siya na ang amo, at kung sinuman ang kayang magtrabaho nang husto at may kakayahang gumawa ng maraming bagay ang dapat na maging alipin. Sa buhay mag-asawa, dapat ay parehong tinutupad ng dalawang tao ang kanilang mga responsabilidad sa isa’t isa at sinasamahan ang isa’t isa. Pareho silang may responsabilidad sa isa’t isa, at pareho silang may mga obligasyon na dapat nilang tuparin at mga bagay na dapat gawin sa loob ng balangkas ng pag-aasawa. Dapat kang kumilos nang naaayon sa iyong papel; anuman ang papel mo, dapat mong gampanan ang papel na iyon. Kung hindi mo ito gagawin, wala kang normal na pagkatao. Sa madaling salita, wala kang halaga. Kung ang isang tao ay walang halaga at sinusunod mo pa rin ang bawat hinihingi niya at handa kang maging kanyang alipin, iyon ay lubos na kamangmangan at dahil doon ay wala kang halaga. Ano ba ang mali sa pananampalataya sa Diyos? Ang pananampalataya mo ba sa Diyos ay isang masamang gawain? May problema ba sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos? Lahat ito ay matuwid at marangal na bagay na dapat gawin. Ano ang ipinapakita nito kapag inuusig ng gobyerno ang mga taong nananampalataya sa Diyos? Ipinapakita nito na ang sangkatauhan ay napakasama, at kinakatawan nito ang masasamang puwersa at si Satanas. Hindi ito kumakatawan sa katotohanan o sa Diyos. Kaya, ang pananampalataya sa Diyos ay hindi nangangahulugan na ikaw ay mas mababa kaysa sa iba. Taliwas dito, dahil sa iyong pananampalataya sa Diyos, ikaw ay nagiging mas marangal kaysa sa mga makamundong tao; dahil sa iyong paghahangad sa katotohanan, ikaw ay nagiging marangal sa mga mata ng Diyos, at pinahahalagahan ka Niya. Ngunit ibinababa mo ang iyong sarili at walang pag-aalinlangan na nagpapakaalipin sa iyong asawa para lamang mapalugod ang iyong kabiyak. Bakit hindi ka kumikilos nang ganito kapag ginagampan mo ang tungkulin ng isang nilikha? Bakit hindi mo magawa iyon? Hindi ba’t ito ay pagpapahayag ng pagiging hamak ng tao? (Oo.)
Inorden ng Diyos ang pag-aasawa sa iyo para lamang matuto kang tuparin ang iyong mga responsabilidad, matutong mamuhay nang payapa kasama ang isa pang tao at mamuhay kayo nang magkasama, at maranasan mo kung paano ang buhay na kasama ang iyong kabiyak at kung paano ninyo haharapin nang magkasama ang lahat ng bagay na inyong pinagdadaanan, at dahil dito ay nagiging mas makulay at naiiba ang iyong buhay. Gayunpaman, hindi ka ipinagkakanulo ng Diyos sa pag-aasawa, at siyempre, hindi ka Niya ipinagkakanulo sa iyong kabiyak upang maging alipin nito. Hindi ka alipin ng iyong kabiyak, at hindi rin siya ang amo mo. Magkapantay kayo. May mga responsabilidad ka lang bilang misis o mister sa iyong kabiyak, at kapag tinutupad mo ang mga responsabilidad na ito, itinuturing ka ng Diyos na isang mabuting misis o mister. Walang anumang taglay ang iyong kabiyak na wala sa iyo, at hindi ka mas masahol kaysa sa iyong kabiyak. Kung ikaw ay nananampalataya sa Diyos at naghahangad sa katotohanan, kayang gumampan sa iyong tungkulin, madalas na dumadalo sa mga pagtitipon, nagdarasal-nagbabasa ng mga salita ng Diyos, at humaharap sa Diyos, kung gayon, ito ay ang mga bagay na tinatanggap ng Diyos at ang mga ito ang dapat na gawin ng isang nilikha at ang mga ito ang normal na buhay na dapat ipamuhay ng isang nilikha. Walang kahiya-hiya rito, ni hindi mo dapat maramdaman na may pagkakautang ka sa iyong kabiyak dahil ganito ang uri ng buhay mo—wala kang pagkakautang sa kanila. Kung nais mo, may obligasyon kang magpatotoo sa iyong kabiyak tungkol sa gawain ng Diyos. Ngunit kung hindi siya nananampalataya sa Diyos, at hindi siya sumusunod sa landas na pareho ng sa iyo, kung gayon, hindi mo kailangan, o wala kang obligasyon na sabihin o ipaliwanag sa kanya ang anumang bagay o anumang impormasyon tungkol sa iyong pananalig o sa landas na iyong sinusunod, ni wala siyang karapatan na malaman ang tungkol dito. Responsabilidad at obligasyon niya na suportahan, palakasin ang loob mo, at ipagtanggol ka. Kung hindi niya magawa ito, wala siyang pagkatao. Bakit? Dahil sinusunod mo ang tamang landas, at dahil sinusunod mo ang tamang landas, ang iyong pamilya at ang iyong kabiyak ay pinagpapala at nagtatamasa ng biyaya ng Diyos kasama mo. Tama lamang na maging mapagpasalamat ang iyong kabiyak dahil dito, sa halip na ikaw ay kanyang diskriminahin o apihin dahil sa iyong pananalig o dahil sa ikaw ay inuusig, o sa halip na maniwala siya na dapat kang gumawa ng higit pang gawaing-bahay at ng iba pang bagay, o na may pagkakautang ka sa kanya. Wala kang anumang emosyonal, espirituwal, o iba pang pagkakautang sa kanya—siya ang may pagkakautang sa iyo. Dahil sa iyong pananalig sa Diyos, natatamasa niya ang karagdagang biyaya at pagpapala mula sa Diyos, at natatamo niya ang mga bagay na ito nang higit pa sa karaniwan. Ano ang ibig Kong sabihin sa “natatamo niya ang mga bagay na ito nang higit pa sa karaniwan”? Ibig Kong sabihin, ang ganoong klaseng tao ay hindi karapat-dapat na magtamo ng mga bagay na iyon at hindi niya dapat matamo ang mga bagay na iyon. Bakit hindi niya dapat matamo ang mga iyon? Dahil hindi niya sinusunod ang Diyos o kinikilala ang Diyos, samakatuwid, ang biyayang natatamasa niya ay dahil sa iyong pananalig sa Diyos. Nakikinabang siya kasama mo at nagtatamasa ng mga pagpapala kasama mo, at tama lamang na maging mapagpasalamat siya sa iyo. Sa madaling salita, dahil natatamasa niya ang karagdagang pagpapala at biyayang ito, dapat ay higit niyang gampanan ang kanyang mga responsabilidad at higit na suportahan ang iyong pananampalataya sa Diyos. Dahil may isang tao sa tahanan na nananampalataya sa Diyos, may ilang tao na nagiging maayos ang takbo ng negosyo ng kanilang pamilya at ito ay nagtatagumpay nang husto. Kumikita sila ng malaking pera, namumuhay nang maganda ang kanilang pamilya, yumayaman sila sa mga bagay na materyal, at nagiging mas maganda ang kalidad ng kanilang pamumuhay—paano nangyari ang lahat ng ito? Makakamit ba ng iyong pamilya ang lahat ng bagay na ito kung walang isa sa inyo ang nananampalataya sa Diyos? Sinasabi ng ilang tao, “Inorden ng Diyos na magkaroon sila ng mayamang kapalaran.” Tama na inorden ito ng Diyos, ngunit kung wala ang isang taong iyon sa kanilang pamilya na nananampalataya sa Diyos, hindi masyadong bibiyayaan at pagpapalain ang kanilang negosyo. Dahil may isang tao sa kanila na nananampalataya sa Diyos, dahil ang taong iyon na nananampalataya sa Diyos ay may tunay na pananalig, taos-pusong naghahangad, at handang ilaan at igugol ang sarili nito para sa Diyos, natatanggap ng walang-pananampalatayang asawa nito ang biyaya at mga pagpapala nang higit pa sa karaniwan. Napakadali para sa Diyos na gawin ang munting bagay na ito. Ang mga hindi nananampalataya ay hindi pa rin nasisiyahan, at sinusupil at inaapi pa nga nila ang mga nananampalataya sa Diyos. Ang pang-uusig ng bansa at lipunan sa mga mananampalataya ay isa nang trahedya para sa kanila, gayunpaman, mas masahol pa ang ginagawa ng kanilang mga kapamilya at dinagdagan pa ng mga ito ang panggigipit. Kung sa gayong mga sitwasyon ay naniniwala ka pa rin na binibigo mo sila at handa kang maging alipin sa iyong buhay may-asawa, iyon ay isang bagay na hindi mo talaga dapat na gawin. Kung hindi nila sinusuportahan ang iyong pananampalataya sa Diyos, ayos lang; kung hindi nila ipinagtatanggol ang iyong pananampalataya sa Diyos, ayos lang din. Malaya sila na hindi gawin ang mga bagay na iyon. Gayunpaman, hindi ka nila dapat tratuhin na parang isang alipin dahil nananampalataya ka sa Diyos. Hindi ka isang alipin, ikaw ay isang tao, isang taong may dignidad at matuwid. Sa pinakamababa, ikaw ay isang nilikha sa harap ng Diyos, at hindi alipin ng sinuman. Kung kinakailangan mong maging alipin, maaari ka lamang maging alipin ng katotohanan, alipin ng Diyos, at hindi isang alipin ng sinumang tao, lalong hindi mo dapat gawin na iyong amo ang asawa mo. Pagdating sa mga ugnayan sa laman, bukod sa iyong mga magulang, ang taong pinakamalapit sa iyo sa mundong ito ay ang iyong asawa. Ngunit dahil nananampalataya ka sa Diyos, itinuturing ka niyang kaaway at inaatake at inuusig ka niya. Tinututulan niya ang pagdalo mo sa mga pagtitipon, kapag nakakarinig siya ng anumang tsismis, umuuwi siya para pagalitan at maltratuhin ka. Kahit na nagdadasal o nagbabasa ka ng mga salita ng Diyos sa bahay at hindi ka naman nakakaapekto sa pagiging normal ng kanyang buhay, papagalitan at tututulan ka pa rin niya, at maaari ka pa nga niyang saktan. Sabihin mo sa Akin, anong uri ng bagay ito? Hindi ba’t isa siyang demonyo? Ito ba ang taong pinakamalapit sa iyo? Karapat-dapat ba ang ganitong tao sa pagtupad mo ng anumang responsabilidad para sa kanya? (Hindi.) Hindi, hindi siya karapat-dapat! At kaya, ang ilang taong nasa ganitong uri ng buhay may-asawa ay sumusunod pa rin sa bawat hihiningi ng kanilang asawa, handang isakripisyo ang lahat, isakripisyo ang oras na dapat ay igugol nila sa pagtupad ng kanilang tungkulin, ang pagkakataon na gampanan ang kanilang tungkulin, at maging ang kanilang pagkakataon na makamit ang kaligtasan. Hindi nila dapat gawin ang mga bagay na ito, at sa pinakamababa, dapat nilang iwaksi ang gayong mga ideya. Bukod sa pagkakautang sa Diyos, wala nang ibang pinagkakautangan ang mga tao. Wala kang pagkakautang sa iyong mga magulang, sa iyong asawa, sa iyong mga anak, lalo na sa iyong mga kaibigan—wala kang anumang pagkakautang sa kahit na sino. Ang lahat ng bagay na mayroon ang mga tao ay nagmumula sa Diyos, pati na ang kanilang buhay may-asawa. Kung kailangan nating pag-usapan ang pagkakautang, ang mga tao ay may pagkakautang lamang sa Diyos. Siyempre, hindi hinihingi ng Diyos na bayaran mo Siya, hinihingi lamang Niya na sundin mo ang tamang landas sa buhay. Ang pinakamalaking layunin ng Diyos sa pag-aasawa ay na huwag kang mawalan ng dignidad at integridad dahil sa iyong pag-aasawa, huwag maging isang tao na walang tamang landas na hinahangad, na walang sariling pananaw sa buhay o sariling direksiyon sa paghahangad, at huwag maging isang tao na sumusuko pa nga sa paghahangad sa katotohanan, isinusuko ang kanyang pagkakataong makamit ang kaligtasan, at isinusuko ang anumang atas o misyong ibinigay sa kanya ng Diyos, para sa halip ay kusang-loob na maging isang alipin sa iyong buhay may-asawa. Kung ganito mo pangangasiwaan ang iyong buhay may-asawa, mas mabuti pa kung hindi ka na lang nag-asawa, at mas bagay pa sa iyo ang buhay ng isang taong walang asawa. Kung hindi ka makakaalis sa ganitong uri ng sitwasyon o kaayusan ng pag-aasawa kahit ano ang gawin mo, pinakamainam na ganap mo nang lisanin ang buhay may-asawa, at mas mabuti para sa iyo na mamuhay bilang isang malayang tao. Tulad ng sinabi Ko, ang layon ng Diyos sa pag-orden ng pag-aasawa ay upang magkaroon ka ng kabiyak, upang harapin mo ang mga pagsubok at tagumpay sa buhay at malagpasan mo ang bawat yugto ng buhay nang kasama ang iyong kabiyak, upang hindi ka nag-iisa o nalulumbay sa bawat yugto ng buhay, upang mayroon kang karamay, isang taong mapagsasabihan mo ng iyong mga kaloob-loobang iniisip, at isang taong magbibigay-ginhawa at mag-aalaga sa iyo. Gayunpaman, hindi ginagamit ng Diyos ang pag-aasawa upang igapos ka, o igapos ang iyong mga kamay at paa, upang wala kang karapatang pumili ng iyong sariling landas at maging alipin ng pag-aasawa. Inorden ng Diyos ang pag-aasawa para sa iyo at nagsaayos ng isang kabiyak para sa iyo; hindi ka Niya hinanapan ng isang amo, ayaw rin Niya na ikaw ay makulong sa loob ng iyong buhay may-asawa nang walang sariling mga paghahangad, layon sa buhay, tamang direksyon para sa iyong mga paghahangad, at karapatang maghangad ng kaligtasan. Sa halip, may asawa ka man o wala, ang pinakadakilang karapatan na ipinagkaloob sa iyo ng Diyos ay ang karapatan na hangarin ang sarili mong mga layon sa buhay, itatag ang tamang pananaw sa buhay, at hangarin ang kaligtasan. Walang sinuman ang makapagkakait ng karapatang ito sa iyo, at walang sinumang maaaring makialam dito, kabilang na ang iyong asawa. Kaya, kayong mga gumaganap sa papel ng isang alipin sa inyong buhay may-asawa, dapat ninyong iwaksi ang ganitong paraan ng pamumuhay, iwaksi ang inyong mga ideya o kaugalian tungkol sa pagnanais na maging alipin sa inyong buhay may-asawa, at talikdan ang ganoong sitwasyon. Huwag magpapigil sa iyong kabiyak, at huwag magpaapekto, magpalimita, magpahigpit, o magpagapos sa mga emosyon, pananaw, salita, saloobin, o maging sa mga kilos ng iyong kabiyak. Talikdan ang lahat ng ito at umasa sa Diyos nang may tapang at lakas ng loob. Kapag nais mong magbasa ng mga salita ng Diyos, magbasa ka ng mga salita ng Diyos, dumalo ka sa mga pagtitipon kapag dapat kang dumalo sa mga pagtitipon, sapagkat ikaw ay isang tao, hindi isang aso, at hindi mo kailangan ang sinuman na kontrolin ang iyong asal o paghigpitan at kontrolin ang iyong buhay. Mayroon kang karapatan na piliin ang iyong sariling mga layon at direksiyon sa buhay—ipinagkaloob sa iyo ng Diyos ang karapatang ito, at sa partikular, tumatahak ka sa tamang landas. Ang pinakamahalaga, kapag kailangan ka ng sambahayan ng Diyos na gawin ang isang partikular na trabaho, kapag binigyan ka ng sambahayan ng Diyos ng isang tungkulin, dapat masunurin mong talikuran ang lahat ng bagay nang kusang-loob at nang walang pag-aalinlangan at gampanan ang tungkulin na dapat mong gampanan at tapusin ang misyon na ibinigay sa iyo ng Diyos. Kung hinihingi ng trabahong ito na umalis ka ng bahay nang sampung araw o isang buwan, kailangan mong piliin na gampanan nang maayos ang iyong tungkulin, tapusin ang misyon na ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos, at bigyang-kasiyahan ang puso ng Diyos—ito ang saloobin, determinasyon, at pagnanais na dapat taglayin ng mga naghahangad sa katotohanan. Kung hinihingi ng trabahong ito na ikaw ay pumunta sa malayo nang anim na buwan, isang taon, o kapag walang nakakaalam kung gaano ito katagal, kung gayon ay dapat masunurin mong talikuran ang iyong pamilya at ang iyong asawa at tapusin ang misyong ibinigay sa iyo ng Diyos. Iyon ay dahil ito ang panahon kung kailan pinakakinakailangan ka ng gawain ng sambahayan ng Diyos at ng iyong tungkulin, at hindi ang oras kung kailan pinakakinakailangan ka ng iyong buhay may-asawa at ng iyong kabiyak. Kaya, hindi mo dapat isipin na kung may asawa ka ay kailangan mong maging alipin sa iyong buhay may-asawa, o na isang kahihiyan kung magwawakas ang iyong buhay may-asawa o kung maghihiwalay kayo. Sa katunayan, hindi ito isang kahihiyan, at kailangan mong makita ang mga sitwasyon kung paano nagwakas ang pagsasama ninyong mag-asawa at kung ano ang pagsasaayos ng Diyos. Kung ito ay inorden at pinamahalaan ng Diyos, at hindi idinulot ng tao, kung gayon, iyon ay maluwalhati, ito ay isang karangalan, dahil isinuko at winakasan mo ang iyong buhay may-asawa para sa isang makatarungang layunin, naghahangad na mabigyang-kasiyahan ang Diyos at maisakatuparan ang iyong misyon bilang isang nilikha. Ito ay isang bagay na gugunitain at tatanggapin ng Diyos, at kaya sinasabi Ko na ito ay isang maluwalhating bagay, hindi isang kahihiyan! Kahit na nagwawakas ang ilang pagsasama ng mag-asawa dahil iniiwan at niloloko sila ng kanilang kabiyak—sa madaling salita, sila ay iniwan at inabandona—hindi ito kahiya-hiya. Sa halip, dapat mong sabihin, “Ito ang aking karangalan. Bakit? Inorden at pinamahalaan ng Diyos na umabot sa ganitong punto at magtapos sa ganitong paraan ang aking buhay may-asawa. Ang patnubay ng Diyos ang nag-akay sa akin na gawin ang hakbang na ito. Kung hindi ito ginawa ng Diyos at sa halip ay hinayaan Niya na palayasin ako ng aking kabiyak, talagang hindi ako magkakaroon ng pananalig at lakas ng loob na gawin ito. Salamat sa kataas-taasang kapangyarihan at patnubay ng Diyos! Lahat ng kaluwalhatian ay sa Diyos!” Ito ay isang karangalan. Sa lahat ng uri ng pag-aasawa, maaari kang magkaroon ng ganitong karanasan, maaari mong piliin na sundin ang tamang landas sa ilalim ng patnubay ng Diyos, isakatuparan ang misyon na ibinigay sa iyo ng Diyos, iwanan ang iyong asawa sa ilalim ng ganitong partikular na kondisyon at nang may ganitong uri ng motibasyon, at wakasan ang pagsasama ninyong mag-asawa, at ito ay isang bagay na dapat ipagdiwang. Kahit papaano, may isang bagay na dapat ipagdiwang, at iyon ay na hindi ka na alipin ng iyong pag-aasawa. Nakatakas ka na sa pang-aalipin ng iyong buhay may-asawa, at hindi mo na kailangang mag-alala, masaktan, at magdusa dahil ikaw ay isang alipin sa iyong pagy-aasawa at nais mong makalaya ngunit hindi mo magawa. Mula sa sandaling iyon, nakatakas ka na, malaya ka na, at iyan ay isang mabuting bagay. Sa sinabi Kong ito, umaasa Ako na iyong mga may buhay may-asawa na nagwakas sa kirot at nababalot pa rin ng kalungkutan sa usaping ay tunay nang makabibitiw sa kanilang naging buhay may-asawa, makabibitiw sa kalungkutang idinulot nito sa iyo, makabibitiw sa poot, galit, at maging sa dalamhating idinulot nito sa iyo, at hindi na makakaramdam ng pasakit at galit dahil ang lahat ng sakripisyo at pagsisikap na ginawa mo para sa iyong kabiyak ay sinuklian ng pangangalunya, pagtataksil, at pangungutya. Umaasa Ako na tatalikdan mo na ang lahat ng iyon, na magdiriwang ka na hindi ka na alipin sa iyong pag-aasawa, na magdiriwang ka na hindi mo na kailangang gumawa ng anumang bagay o gumawa ng mga hindi kinakailangang sakripisyo para sa amo sa iyong buhay may-asawa, at sa halip, sa ilalim ng patnubay at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, susundan mo ang tamang landas sa buhay, gagampanan ang iyong tungkulin bilang isang nilikha, at hindi ka na malulungkot at wala ka nang aalalahanin pa. Siyempre, hindi na rin kailangan pang mag-alala, mabahala, o mabalisa tungkol sa iyong asawa o na abalahin pa ang iyong isipan tungkol sa kanya, mula ngayon ay magiging mabuti na ang lahat, hindi mo na kailangang talakayin pa ang iyong personal na mga usapin sa iyong asawa, hindi mo na kailangang magpapigil pa sa kanya. Kailangan mo lang na hangarin ang katotohanan, at hanapin lamang ang mga prinsipyo at batayan sa mga salita ng Diyos. Malaya ka na at hindi na alipin ng iyong pag-aasawa. Sa kabutihang palad, iniwan mo na ang bangungot na iyon ng buhay may-asawa, na tunay ka nang humarap sa Diyos, na hindi ka na napipigilan ng iyong buhay may-asawa, at mayroon ka nang mas maraming oras para basahin ang mga salita ng Diyos, dumalo sa mga pagtitipon, at gumampan ng mga espirituwal na debosyon. Ganap ka nang malaya, hindi mo na kailangang kumilos sa partikular na paraan na nakadepende sa lagay ng loob ng iba, hindi mo na kailangang pakinggan ang pangungutya ng sinuman, hindi mo na kailangang isaalang-alang ang lagay ng loob o damdamin ng sinuman—ikaw ay namumuhay bilang isang taong walang asawa, napakaganda! Hindi ka na isang alipin, maaari ka nang umalis sa kapaligiran kung saan mayroon kang iba’t ibang responsabilidad na dapat tuparin para sa mga tao, maaari ka nang maging isang tunay na nilikha, maging isang nilikha sa ilalim ng kapamahalaan ng Lumikha, at gampanan ang tungkulin ng isang nilikha—kay ganda na magawa ito nang tapat! Hindi mo na kailangang makipagtalo, mag-alala, mag-abala, magparaya, magtiis, magdusa, o magalit pang muli tungkol sa iyong buhay may-asawa, hindi mo na kailangang mamuhay ulit sa nakakasuklam na kapaligiran at masalimuot na sitwasyong iyon. Mabuti ito, lahat ng ito ay mabuting bagay, at lahat ay maayos. Kapag ang isang tao ay humarap sa Lumikha, kumikilos at nagsasalita siya ayon sa mga salita ng Diyos at ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Nagiging maayos ang takbo ng lahat, wala nang magugulong pagtatalo, at matatahimik na ang iyong puso. Lahat ito ay mabuting bagay, ngunit nakakalungkot na ang ilan ay handa pa ring maging alipin sa gayong nakakasuklam na kapaligiran ng mag-asawa, at hindi nila ito tinatakasan o tinatalikuran. Ano’t anuman, umaasa pa rin Ako na kahit hindi winawakasan ng mga taong ito ang kanilang buhay may-asawa o kahit hindi sila namumuhay nang may iniiwang sirang buhay may-asawa, kahit papaano, hindi sila dapat maging alipin sa kanilang buhay may-asawa. Sinuman ang iyong asawa, anuman ang kanyang taglay na mga talento o pagkatao, gaano man kataas ang kanyang katayuan, gaano man kahusay ang kanyang kasanayan o kakayahan, hindi pa rin siya ang iyong amo. Siya ang iyong asawa, ang iyong kapantay. Hindi siya mas marangal kaysa sa iyo, hindi ka rin mas mababa kaysa sa kanya. Kung hindi niya kayang tuparin ang kanyang mga responsabilidad bilang asawa, may karapatan kang sitahin siya, at obligasyon mo na pangasiwaan at pagsabihan siya. Huwag mong ibaba ang iyong sarili at hayaan ang iyong sarili na masamantala dahil iniisip mo na masyado siyang dominante o natatakot ka na pagsasawaan ka niya, na itatakwil ka niya o iiwanan ka niya, o dahil gusto mong mapanatili ang inyong relasyon bilang mag-asawa, kusa mong ikinokompromiso ang iyong sarili na maging alipin niya at ng inyong pagsasama bilang mag-asawa—hindi ito nararapat. Hindi dapat ganito umasal ang isang tao, ni hindi ito ang mga responsabilidad na dapat tuparin ng isang tao, sa loob ng balangkas ng pag-aasawa. Hindi hinihingi sa iyo ng Diyos na maging alipin ka, o na ikaw ay maging isang amo. Hinihingi Niya lamang na tuparin mo ang iyong mga responsabilidad, at kaya kailangan mong maunawaan nang tama ang mga responsabilidad na dapat mong gampanan sa buhay may-asawa, at dapat mo ring maunawaan nang tama at makita nang malinaw ang papel na ginagampanan mo sa buhay may-asawa. Kung ang papel na ginagampanan mo ay baluktot at hindi naaayon sa pagkatao o sa kung ano ang inorden ng Diyos, kailangan mong suriin ang iyong sarili at pagnilayan kung paano makakalabas sa ganitong kalagayan. Kung ang iyong asawa ay maaaring pagsabihan, pagsabihan mo siya; kung sa pamamagitan ng pagsaway sa iyong asawa ay makakaranas ka ng mga hindi kanais-nais na kahihinatnan, kailangan mong gumawa ng mas matalino at mas naaangkop na pasya. Ano’t anuman, kung nais mong hangarin ang katotohanan at kamtin ang kaligtasan, kailangan mong iwaksi ang iyong mga ideya o kaugalian tungkol sa pagiging alipin sa iyong buhay may-asawa. Hindi ka dapat maging alipin sa iyong pag-aasawa, sa halip ay dapat mong talikdan ang papel na iyon, maging isang tunay na tao, maging isang tunay na nilikha, at kasabay nito ay gampanan mo ang iyong tungkulin. Nauunawaan mo ba? (Oo.)
Katatapos lang nating magbahaginan tungkol sa isyu ng “hindi dapat maging mga alipin ng pag-aasawa ang mga tao,” na nagsasabi sa mga tao na iwaksi ang kanilang nakalilinlang na mga pananaw sa pag-aasawa. Ibig sabihin, iniisip ng ilang tao na dapat nilang ingatan na hindi masira at magwakas ang kanilang buhay may-asawa. Upang makamit ang layong ito, nakikipagkompromiso sila. Mas pipiliin nilang isakripisyo ang sarili nilang mga positibong paghahangad upang magpatuloy ang kanilang buhay may-asawa, at handa silang magpaalipin sa kanilang buhay may-asawa. Mali ang nagiging interpretasyon ng mga taong ito sa pag-iral at sa depinisyon ng pag-aasawa, at mali ang kanilang saloobin sa pag-aasawa, kaya dapat nilang talikdan ang gayong mga maling kaisipan at pananaw, lumayo sa ganitong baluktot na kalagayan ng buhay may-asawa, harapin nang tama ang pag-aasawa, at pangasiwaan nang tama ang mga isyung ito na lumilitaw sa buhay may-asawa—ito ang ikatlong isyu na dapat iwaksi ng mga tao tungkol sa pag-aasawa. Susunod, magbabahaginan tayo sa ika-apat na isyu tungkol sa pag-aasawa: Ang pag-aasawa ay hindi ang iyong destinasyon. Ito rin ay isang isyu. Dahil ito ay isang paksa na ating pinagbabahaginan, ipinapakita nito ang isyu sa loob ng mga kasalukuyang sitwasyon ng buhay may-asawa ng mga tao. Ito ay umiiral sa lahat ng uri ng sitwasyon ng mag-asawa. Ito rin ay isang uri ng saloobin ng mga tao tungkol sa pag-aasawa o isang uri ng kalagayan ng pamumuhay, kaya dapat tayong magbahaginan tungkol sa isyung ito at linawin ito. Pagkatapos nilang ikasal, iniisip ng ilang babae na natagpuan na nila ang tamang lalaki para sa kanila. Naniniwala sila na makakaasa sila at mapagkakatiwalaan nila ang lalaking ito, na maaari itong maging matibay na suporta sa kanila sa kanilang landas sa buhay, at na ito ay magiging matibay at maaasahan kapag kailangan niyang umasa rito. Iniisip ng ilang lalaki na natagpuan na nila ang tamang babae para sa kanila. Siya ay maganda at mapagbigay, malumanay at maalalahanin, malinis at maunawain. Kasama ang babaeng ito, naniniwala ang ilang lalaki na magkakaroon sila ng isang maayos na buhay at ng isang payapa at mapagmahal na tahanan. Kapag nag-aasawa ang mga tao, iniisip nilang lahat na sila ay masuwerte at masaya. Karamihan sa mga tao ay naniniwala na kapag sila ay nag-asawa, ang kanilang kabiyak ay isang simbolo ng kanilang piniling buhay sa hinaharap at na, siyempre, ang kanilang buhay may-asawa ang destinasyon na hinahangad nila sa buhay na ito. Ano ang ibig sabihin nito? Ibig sabihin nito, lahat ng nag-aasawa ay naniniwala na ang pag-aasawa ang kanilang destinasyon, at na kapag sila ay may gayong buhay may-asawa, ang pag-aasawang iyon ang kanilang destinasyon. Ano ang ibig sabihin ng “destinasyon”? Ito ay nangangahulugan ng isang matibay na pundasyon. Ipinagkakatiwala nila sa kanilang buhay may-asawa ang kanilang mga inaasam, hinaharap, at kaligayahan, pati na rin sa kanilang kabiyak, at kaya pagkatapos nilang makapag-asawa, iniisip nila wala na silang kakailanganin o aalalahanin pa. Ito ay dahil pakiramdam nila ay natagpuan na nila ang kanilang destinasyon, at ang destinasyong ito ay ang kanilang kabiyak at ang tahanang itinatayo nila nang magkasama ng taong iyon. Dahil natagpuan na nila ang kanilang destinasyon, hindi na nila kailangan pang hangarin ang anuman o mag-asam ng anuman. Siyempre, mula sa mga saloobin at pananaw ng mga tao sa pag-aasawa, ito ay nakakatulong sa katatagan ng balangkas ng pag-aasawa. Sa pinakamababa, kung ang isang lalaki o babae ay mayroon nang tiyak na kabiyak sa kabilang kasarian bilang kanyang asawa, hindi na siya makikipagrelasyon o makikiapid pa sa kabilang kasarian. Kapaki-pakinabang ito sa karamihan ng mga mag-asawa. Sa pinakamababa, ang kanilang mga puso ay mapapanatag pagdating sa usapin ng mga relasyon, magkakagusto sila sa isang tapat na kabiyak sa kabilang kasarian at magiging matatag ang kanilang kalagayan ng pamumuhay dahil sa tapat na asawang iyon—ito ay isang mabuting bagay. Gayunpaman, kapag ang isang tao ay pumasok sa pag-aasawa, kung itinuturing niya ang kanyang pag-aasawa bilang ang kanyang destinasyon, habang itinuturing niya ang lahat ng kanyang paghahangad, ang kanyang pananaw sa buhay, ang landas na kanyang sinusunod sa buhay, at ang hinihingi sa kanya ng Diyos bilang mga bagay na hindi kinakailangan sa kanyang libreng oras, kung gayon, hindi niya namamalayan na hindi isang mabuting bagay na ituring na kanyang destinasyon ang kanyang pag-aasawa, sa halip, ito ay nagiging sagabal, balakid, at hadlang sa kanyang paghahangad sa mga tamang layon sa buhay, sa kanyang pagtatatag ng tamang pananaw sa buhay, at maging sa kanyang paghahangad ng kaligtasan. Ito ay dahil kapag ang isang taong nag-asawa ay itinuturing ang kanyang kabiyak bilang ang kanyang destinasyon at ang kanyang tadhana sa buhay na ito, naniniwala siya na ang iba’t ibang emosyon ng kanyang kabiyak, ang kaligayahan at kalungkutan nito, ay may kaugnayan sa kanyang sarili, at na ang kanyang sariling kaligayahan at kalungkutan at iba’t ibang emosyon ay may kaugnayan din sa kanyang kabiyak, at kaya, ang buhay, kamatayan, kaligayahan at kagalakan ng kanyang kabiyak ay konektado sa kanyang sariling buhay, kamatayan, kaligayahan at kagalakan. Kaya, dahil sa ideya ng mga taong ito na ang kanilang pag-aasawa ang destinasyon ng kanilang buhay, nagiging matamlay at pasibo ang paghahangad nila sa kanilang landas sa buhay, sa mga positibong bagay, at sa kaligtasan. Kung ang kabiyak ng isang taong sumusunod sa Diyos ay nagpapasyang hindi sumunod sa Diyos at sa halip ay nagpapasyang maghangad ng mga makamundong bagay, kung gayon, ang taong sumusunod sa Diyos ay lubhang maaapektuhan ng kanyang kabiyak. Halimbawa, naniniwala ang asawang babae na dapat siyang manampalataya sa Diyos at maghangad ng katotohanan, at na dapat niyang bitiwan ang kanyang trabaho at gampanan ang kanyang tungkulin, igugol ang kanyang sarili, at ialay ang kanyang sarili sa sambahayan ng Diyos, samantalang iniisip ng kanyang mister, “Ang pananampalataya sa Diyos ay isang mabuting bagay, ngunit kailangan pa rin nating mabuhay. Kung pareho tayong gagampan ng ating tungkulin, sino ang kikita ng pera? Sino ang mag-aalaga ng tahanan? Sino ang magtutustos sa buhay ng ating pamilya?” Nang may ganitong pananaw, pinipili niyang magpatuloy sa pagtatrabaho at paghahangad sa mga makamundong bagay; hindi niya sinasabi na hindi siya nananampalataya sa Diyos, at hindi rin niya sinasabi na tinututulan niya ito. Palaging iniisip ng misis na nananampalataya sa Diyos na, “Ang asawa ko ang aking destinasyon. Magiging maayos lang ang aking kalagayan kapag siya ay nasa maayos ding kalagayan. Kung hindi maayos ang kanyang kalagayan, hindi rin magiging maayos ang aking kalagayan. Nakatali na kami sa isa’t isa sa hirap at ginhawa. Iisa lang ang aming kaligayahan at kalungkutan, at kami ay mamumuhay at mamamatay nang magkasama. Nagpupunta ako saanman siya nagpupunta. Ngayon, may mga pagtatalo kami sa pagpili ng aming landas at nagsisimulang lumitaw ang mga problema, kaya paano kami magkakasundo? Gusto kong sundin ang Diyos, pero hindi siya interesado sa pananalig sa Diyos. Kung hindi siya mananampalataya sa Diyos, hindi ako makakausad sa sarili kong pananalig at mawawalan na ako ng ganang sundin pa ang Diyos. Ito ay dahil sa pinakasimula, itinuring ko na siya na aking kalangitan, aking destinasyon. Hindi ko siya kayang iwan. Kung hindi siya mananampalataya sa Diyos, kung gayon, pareho kaming hindi mananampalataya, at kung mananampalataya siya sa Diyos, pareho kaming mananampalataya. Kung hindi siya mananampalataya sa Diyos, mararamdaman kong may kulang sa akin, na para bang kinuha ang aking kaluluwa.” Palagi siyang nababalisa at nag-aalala tungkol sa usaping ito. Madalas siyang nagdarasal, umaasa na ang kanyang mister ay mananampalataya sa Diyos. Ngunit gaano man siya magdasal, hindi naaantig ang kanyang mister at hindi ito nananampalataya sa Diyos. Nababagabag siya—ano ang gagawin niya? Wala siyang magagawa, kaya ginagawa niya ang lahat ng kanyang makakaya, at hangga’t nasa bahay ang kanyang mister, isinasama niya ito sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos. Walang pagtutol na binabasa ng kanyang mister ang mga salita ng Diyos at nakikinig habang binabasa niya ang mga ito, ngunit hindi ito aktibong nakikipagbahaginan. Dahil mag-asawa sila, hindi na lang ito nakikipagtalo sa kanya. Kapag hinihiling niya sa kanyang mister na aralin ang pagkanta ng mga himno, sumusunod ito at natututo itong kantahin ang mga himno, at pagkatapos nitong matutunan ang mga himno ay hindi nito sinasabi kung ganap ba nitong natutunan ang mga himno o kung nagustuhan ba nito ang mga himno. Kapag pinapadalo sa mga pagtitipon ang kanyang mister, paminsan-minsan ay sumasama ito sa kanya sa pagtitipon kapag may libre itong oras, ngunit karaniwan ay abala ito sa pagtatrabaho at pagkita ng pera. Hindi nito kailanman binabanggit ang anumang may kinalaman sa pananalig sa Diyos, hindi ito kailanman nagkukusa na magtanong kung maaari itong dumalo sa isang pagtitipon o gumampan ng isang tungkulin. Sa madaling salita, wala itong interes sa lahat ng ito. Hindi nito tinututulan ang pananampalataya sa Diyos, ngunit hindi rin nito sinusuportahan ang pananampalataya sa Diyos, at hindi nito ipinapakita kung ano ang saloobin nito tungkol sa pananampalataya sa Diyos. Ang asawang babaeng nananampalataya sa Diyos ay isinasapuso at tinatandaan ang lahat ng ito, at sinasabi, “Dahil kami ay mag-asawa at magkapamilya, kung papasok ako sa kaharian, kailangan ay pumasok din siya. Kung hindi niya ako susundan sa aking pananalig, hindi niya mapapasok ang kaharian o makakamit ang kaligtasan, at kung gayon ay hindi ko na rin gugustuhing mabuhay at gugustuhin ko na lang na mamatay.” Kahit hindi pa siya patay, sa kanyang puso ay palagi siyang nag-aalala, nasasaktan, at nahihirapan sa usaping ito, iniisip niya, “Kung isang araw ay dumating ang mga sakuna at mamatay ang mister ko sa mga sakuna, ano ang gagawin ko? Mayroong laganap na sakit ngayon. Kung mahahawa siya ng sakit na ito, ayaw ko nang mabuhay pa. Hindi niya sinasabi na tutol siya sa aking pananampalataya sa Diyos, ngunit ano ang gagawin ko kung isang araw ay talagang sasabihin niya na ayaw na niya akong manampalataya sa Diyos?” Nag-aalala siya na, kapag dumating ang oras na iyon, susundin niya ang kanyang mister at pipiliin niyang hindi na manampalataya sa Diyos at ipagkanulo ang Diyos. Ito ay dahil sa kanyang puso, ang mister niya ang kanyang kaluluwa, ang kanyang buhay, at higit pa rito, ang kanyang mister ang kanyang langit, ang lahat-lahat para sa kanya. Ang mister sa kanyang puso ang siyang pinakanagmamahal sa kanya, at siya ang pinakanagmamahal sa kanyang mister. Ngunit ngayon ay nahaharap siya sa isang problema: Kung tututol ang kanyang asawa sa kanyang pananampalataya sa Diyos at walang magagawa ang kanyang mga panalangin, ano na lang ang gagawin niya? Palagi niya itong inaalala. Kapag kinakailangan niyang gampanan ang kanyang tungkulin sa labas ng tahanan, bagamat nais din niyang gampanan ang kanyang tungkulin sa sambahayan ng Diyos, kapag nalaman niya na upang magampanan ang kanyang tungkulin ay kailangan niyang umalis ng kanilang tahanan at maglakbay nang malayo, at na kailangan niyang mawalay nang matagal sa kanilang tahanan, siya ay nakakaramdam ng labis na paghihinagpis. Bakit ganoon? Nag-aalala siya na sa pag-alis niya ng bahay ay wala nang mag-aalaga sa kanyang mister, mangungulila siya sa kanyang mister at hindi niya mapipigilan ang pag-aalala tungkol dito. Mag-aalala siya para dito, mangungulila rito, at mararamdaman pa nga niya na hindi siya mabubuhay kung wala ito sa kanyang tabi, na mawawalan siya ng pag-asa at direksiyon sa buhay, at na hindi rin niya magagampanan nang buong puso ang kanyang tungkulin. Ngayon, iniisip pa lang niya ito ay kumikirot na ang kanyang puso, lalo pa kung talagang mangyayari ito. Kaya sa iglesia, hindi siya kailanman nangangahas na hilingin na gampanan ang kanyang tungkulin sa ibang lugar, o kung may isang gawaing nangangailangan na ang isang tao ay manatili sa malayong lugar nang matagal at matulog nang magdamag sa ibang lugar, hindi siya kailanman nangangahas na magboluntaryo para sa gawaing iyon o pumayag sa gayong kahilingan. Ginagawa niya lamang ang lahat ng kanyang makakaya sa paghahatid ng mga sulat para sa kanyang mga kapatid, o kung minsan ay sa pagpapatuloy sa mga ito sa mga pagtitipon sa kanyang tahanan, ngunit hindi siya kailanman nangangahas na humiwalay sa kanyang asawa sa loob ng isang buong araw. Kung talagang mayroong espesyal na pangyayari at kinakailangang umalis ng kanyang mister para sa isang business trip o kapag wala ito sa loob nang ilang araw, umiiyak siya sa bahay nang dalawa o tatlong araw bago umalis ang kanyang mister, umiiyak hanggang sa ang kanyang mga mata ay namumugto na parang kamatis. Bakit siya umiiyak? Nag-aalala siya na baka mamatay ang kanyang asawa sa isang aksidente sa eroplano at hindi na makikita pa ang katawan nito, at ano ang kanyang gagawin kung magkagayon? Paano siya mabubuhay at makakaraos sa mga araw? Mawawala ang kanyang kalangitan, mararamdaman niya na parang ninakaw ang puso niya. Iniisip pa lang niya ito ay natatakot na siya nang husto, at kaya umiiyak siya kapag iniisip ito. Hindi pa nga nakakaalis ang kanyang mister ay umiiyak na siya nang dalawa o tatlong araw, at patuloy siyang umiiyak hanggang sa makabalik ito, umiiyak nang sobra na nayayamot na ang kanyang mister at sinasabi nito na, “Ano ba ang problema sa kanya? Hindi pa nga ako patay pero umiiyak na siya. Sinusumpa ba niya na mamamatay ako?” Walang magawa ang kanyang mister, patuloy lang siyang umiiyak, sinasabing, “Ayaw ko lang na umalis ka, ayaw kitang mawala sa paningin ko.” Itinataya niya ang kanyang kapalaran at destinasyon sa kanyang mister na napangasawa niya, at kahit na isang kahangalan at parang isip-bata ang ganitong pagkilos, marami pa ring ganitong tao. Mas marami bang lalaki ang ganito o mas maraming babae? (Mas maraming babae.) Tila mas maraming babae ang ganito, ang mga babae ay medyo mahina. Sinuman ang nang-iiwan, ang lalaki man o ang babae, makakaya pa rin ba nilang patuloy na mabuhay? (Oo.) Kung sinuman ang nang-iiwan, iyon ba ay isang bagay na maaari mong piliin? Iyon ba ay isang bagay na maaari mong kontrolin? (Hindi.) Hindi, hindi iyon isang bagay na maaari mong kontrolin, at kaya naliligaw ka sa mga walang kabuluhang imahinasyon, at umiiyak ka, nayayamot, nag-aalala, at nasasaktan—may saysay ba ang lahat ng ito? (Wala.) Iniisip ng mga taong ito na ang magawang tingnan, mahawakan sa kamay, at makasama sa buhay ang kanilang kabiyak ay nangangahulugan na mayroong susuporta sa kanila habambuhay, tulad ng magbibigay ng kapanatagan at ginhawa sa kanila. Iniisip nila na wala na silang aalalahanin tungkol sa pagkain o pananamit, walang mga iisipin, at na ang kanilang kabiyak ang kanilang destinasyon. Mayroong kasabihan ang mga walang pananampalataya na nagsasabing, “Kung kasama kita sa buhay na ito, wala na akong kailangan pa.” Ito ang nararamdaman ng mga taong ito tungkol sa kanilang pag-aasawa at sa kanilang kabiyak sa kaibuturan ng kanilang puso; masaya sila kapag masaya ang kanilang kabiyak, nababalisa sila kapag nababalisa ang kanilang kabiyak, at nagdurusa sila kapag nagdurusa ang kanilang kabiyak. Kung ang kanilang kabiyak ay mamamatay, ayaw na rin nilang mabuhay. At kung ang kanilang kabiyak ay aalis at mahuhulog sa iba, ano ang gagawin nila? (Ayaw na nilang mabuhay.) May mga ayaw nang mabuhay pa at kaya nagpapakamatay sila, at may ilan na nasisiraan ng bait. Sabihin mo sa Akin, bakit nangyayari ang lahat ng ito? Anong klase ng tao ang nasisiraan ng bait? Ang masiraan ng bait ay nagpapakita na sila ay sinapian. Naniniwala ang ilang babae na ang kanilang mister ang kanilang destinasyon sa buhay, at na kapag natagpuan na nila ang gayong lalaki, hindi na sila magmamahal pang muli ng ibang lalaki—ito ay isang kaso ng “Kung kasama ko siya sa buhay na ito, wala na akong kailangan pa.” Ngunit binigo siya ng kanyang mister, umalis at umibig ito sa iba, at ayaw na nito sa kanya. Kaya, ano ang nangyayari sa huli? Kinamumuhian na niya ang lahat ng lalaki. Kapag nakakakita siya ng ibang lalaki, gusto niya itong duraan, murahin, at saktan. Nagkakaroon siya ng tendensiyang maging bayolente, at nagiging baluktot ang kanyang katwiran. May ilan na talagang nasisiraan na ng bait. Ito ang mga kahihinatnan kapag hindi tama ang pagkaunawa ng mga tao sa pag-aasawa.
Itinuturing ng mga taong ito ang pag-aasawa bilang simbolo ng kanilang matagumpay na paghahangad ng kaligayahan, at isa ring destinasyon at layon sa buhay na matagal na nilang pinangarap at ngayon ay nakamit na. Para sa kanila, ang pag-aasawa ang kanilang huling layon sa buhay, at ang kanilang mga paghahangad tungkol sa pag-aasawa ay upang makasama ang kanilang kabiyak sa buhay na ito, para tumanda sila nang magkasama, at mamuhay at mamatay nang magkasama. Upang patunayan ang kaisipan at ideya na ang kanilang pag-aasawa ang kanilang destinasyon, gumagawa sila ng maraming bagay sa buhay may-asawa na hindi makatwiran at labas sa saklaw ng responsabilidad ng isang tao. Ang mga bagay na ito na labas sa saklaw ng responsabilidad ng isang tao ay kinapapalooban ng mga labis-labis na bagay kung saan nawawalan sila ng kanilang integridad, dignidad, at ng mga layon na kanilang hinahangad. Halimbawa, madalas nilang binabantayan kung sino ang kasama ng kanilang kabiyak araw-araw, kung ano ang ginagawa nito kapag lumalabas ito, kung nakipag-ugnayan ba ito sa ibang babae, at kung nakikihalubilo o nakikipagmabutihan ba ito sa ibang babae nang higit pa sa pagiging magkaibigan. Mayroon ding ilang taong gumugugol ng maraming oras sa pagmamasid at pagsusuri sa saloobin ng kanilang kabiyak tungkol sa kanila upang malaman kung iniisip ba sila ng kanilang kabiyak at kung iniibig pa rin ba sila nito. Inaamoy rin ng ilang babae ang damit ng kanilang mister kapag umuuwi ito, sinusuri kung may buhok ng babae ang damit nito, sinusuri kung may bakas ng lipstick ng ibang babae ang damit nito. Sinusuri rin nila ang telepono ng kanilang mister upang makita kung may mga numero ng mga babae na hindi nila kilala, sinusuri pa nga nila kung ilan ang telepono ng kanilang mister, kung sino ang mga nakakaugnayan nito, at kung totoo ba ang sinasabi nito kapag tumatawag ito araw-araw. Halimbawa, tumatawag ang isang babae sa kanyang mister at nagtatanong, “Nasaan ka? Ano ang ginagawa mo?” Sumasagot ang kanyang mister, “Nasa trabaho ako, inaaral ang ilang dokumento.” Sinasabi niya, “Kuhaan mo ng litrato ang mga dokumentong inaaral mo at ipadala mo ito sa akin.” Sinusunod ng kanyang mister ang sinasabi niya, at pagkatapos ay nagtatanong siya, “Sino ang kasama mo sa opisina?” Sumasagot ito, “Ako lang.” Sinasabi naman niya, “Pwede mo ba akong i-video call para makita ko kung sino ang iba pang nasa opisina?” Nakikipag-video call ang kanyang mister sa kanya at nakikita niya na parang may hugis ng isang babaeng naglalakad palayo, kaya sinasabi niya, “Hindi iyan totoo, sino ang babaeng iyon?” Sinasabi ng kanyang mister, “Iyong tagalinis lang iyon.” Sinasabi niya, “Ah, sige.” Saka lamang siya napapanatag. Ang ganitong mga tao ay sinusuri ang telepono ng kanilang mister, ang kinaroroonan nito, kung ano ang ginagawa nito sa bawat oras buong araw. Napakalaki ng kanilang mga ekspektasyon sa kanilang buhay may-asawa, at mas matindi ang kanilang pakiramdam ng kawalang-katiyakan. Siyempre, labis-labis ang kanilang pagnanais na ariin at kontrolin ang kanilang asawa. Dahil nakatitiyak sila na ang kanilang asawa ang kanilang destinasyon at na ang kanilang asawa ang kailangan at dapat nilang makasama sa buong buhay nila, kaya naman, hindi nila pwedeng tulutan na lumitaw ang anumang pagkatisod o lamat sa kanilang buhay may-asawa, o maging ang anumang depekto o maliit na problema—ang lahat ng ito ay hindi nila pwedeng tulutang mangyari. Kaya ibinubuhos nila ang halos lahat ng kanilang enerhiya sa pagsusubaybay sa kanilang asawa, sa pag-iimbestiga sa kanilang asawa, sa pagtatanong-tanong tungkol sa mga kilos at kinaroroonan nito, at sa pagkontrol dito. Lalo na kapag may kaapid ang kanilang asawa, ito ay isang bagay na hindi nila matitiis. Nag-eeskandalo sila, nagwawala, umiiyak, at nanggugulo sila, at nagbabanta na magpapakamatay. Dinadala pa nga ng ilan ang kanilang mga problema sa mga pagtitipon at nakikipagtalakayan sa kanilang mga kapatid tungkol sa mga estratehiya, sinasabi na, “Siya ang aking unang pag-ibig, ang lalaking pinakamamahal ko. Sa buong buhay ko, ni wala akong nahawakang kamay o balat ng ibang lalaki. Siya lang ang lalaki para sa akin, siya ang aking kalangitan, at siya ang para sa akin sa buhay na ito. Sumama siya sa iba at hindi ko talaga matanggap ang ginawa niya sa akin.” May nagsasabi sa kanya, “Ano ang silbi kung hindi mo kayang tanggapin ito? Mababago mo ba ang nangyari? Matagal nang nakikita ng ibang tao na may ganitong tendensiya ang mister mo.” Sumasagot siya, “May ganitong tendensiya man siya o wala, hindi ko talaga kayang tanggapin ang nangyari. Sino ang tutulong sa akin na mag-isip ng paraan upang parusahan siya at subukang pigilan ang kanyang kabit na agawin ang puwesto ko?” Nakikita mo, lubos siyang nasasaktan kaya dinadala niya ang kanyang mga problema sa pagtitipon para makipagbahaginan tungkol dito. Ito ba ay pakikipagbahaginan? Ito ay pagbubulalas ng mga hindi nararapat na pahayag, pagbubulalas ng mga negatibong mensahe, at pagpapalaganap ng negatibong impormasyon. Sariling problema mo na ito, at kung uuwi ka man sa bahay ninyo, isasara ang pinto at bubugbugin siya at makikipagtalo sa kanya, problema mo na iyon, ngunit hindi mo dapat dalhin ang iyong mga problema at talakayin ang mga ito sa mga pagtitipon. Kung nais mong hanapin ang katotohanan sa isang pagtitipon, maaari mong sabihin, “Nangyari na ito sa akin, kaya paano ko maiaalis ang aking sarili sa sitwasyong ito at paano ako hindi magpapigil sa kanya? Ano ang pwede kong gawin para hindi maapektuhan ng usaping ito ang aking pananalig sa Diyos at ang pagganap ko sa aking tungkulin?” Tama lang na hanapin mo ang katotohanan, ngunit kung pupunta ka sa isang pagtitipon at tatalakayin ang iyong mga problema, iyon ay isang bagay na hindi mo dapat gawin. Bakit hindi mo dapat gawin iyon? Naharap ka sa isyung ito at ngayon ay nasa ganito kang sitwasyon sa buhay dahil sa iyong maling pagkaunawa sa pag-aasawa. Pagkatapos ay nais mong dalhin ang mga problema at kinahinatnang ito sa iyong mga kapatid para pagbahaginan, at maliban sa nakakaapekto ito sa ibang tao, hindi rin ito nakakabuti sa iyo. Tinatalakay mo ang tungkol sa iyong mga problema, ngunit ang karamihan sa mga tao ay hindi nauunawaan ang katotohanan at walang tayog, at ang magagawa lamang nila ay tulungan kang mag-isip ng mga ideya at suriin ang iyong mga problema. Bukod sa hindi ka nila matutulungan na magtamo ng positibong pagpasok, taliwas dito, pinalulubha nila ang mga bagay-bagay at ginagawang mas malala at mas komplikado ang problema. Ang karamihan sa mga tao ay magulo ang isipan at hindi nila nauunawaan ang katotohanan o ang mga layunin ng Diyos—mabibigyan ka ba ng gayong mga tao ng tulong na kapaki-pakinabang at may halaga? May nagsasabi, “Ikaw pa rin ang kanyang legal na asawa. Hinding-hindi matatalo ng kasamaan ang katarungan.” Ito ba ang katotohanan? (Hindi.) May iba pang nagsasabi, “Huwag mong pagbigyan ang kabit niya, at makikita natin kung kaya ka ba niyang palitan!” Ito ba ang katotohanan? (Hindi.) Masaya ka ba kapag naririnig mo ang mga taong nagsasabi ng mga ganitong bagay, o nagagalit ka ba dahil dito? Sinasabi ba nila ang mga bagay na ito upang uminit ang ulo mo o upang maunawaan mo ang katotohanan at magkaroon ka ng landas ng pagsasagawa? May isa pang tao na nagsasabi, “Alam na alam ko iyan. Wala nang mabuting lalaki ngayon. Ang sinumang lalaking may pera ay nagiging masama.” Ito ba ang katotohanan? (Hindi.) At pagkatapos ay may nagsasabi, “Hindi mo dapat hinahayaan ito. Kailangan mong ipaalam sa kabit na iyon na hindi ka pwedeng basta-basta na lang hahamakin. Ipakita mo sa kanya kung sino ang mas nakahihigit. Pumunta ka sa pinagtatrabahuhan niya at ipagsabi mo sa lahat, mag-eskandalo ka, at ipagsabi mo na siya ang kabit ng iyong mister. Ikaw ang legal na asawa at siguradong ikaw ang papanigan ng lahat at hindi siya. Pwersahin mo siyang sumuko at lumayo.” Ito ba ang katotohanan? (Hindi.) Hindi ba’t ang mga kasabihang ito ang mga nakalilinlang na pagkaunawa ng karamihan ng mga tao? (Oo.) May isa pang nagsasalita nang medyo maingat, sinasabi na, “Buong buhay ay siya na ang kasama mo, hindi ka pa ba nagsasawa sa kanya? Kung gusto niyang sumama sa iba, hayaan mo siya. Hangga’t nag-uuwi siya ng pera at may nakakain at naiinom ka, hindi ba’t sapat na iyon? Dapat kang maging masaya, at hindi ka na niya laging aabalahin. Hangga’t umuuwi siya sa inyong tahanan at kinikilala niyang ito ang kanyang tahanan, hindi ba’t sapat na iyon? Ano bang ikinagagalit mo? Sa katunayan, ikaw pa ang nakikinabang dito.” Nakagagaan ito sa loob kung pakikinggan, ngunit ito ba ang katotohanan? (Hindi.) Sasabihin ba ng isang disenteng tao ang ganitong mga bagay? (Hindi.) Ang intensyon nito ay hindi ang magsimula ng hidwaan o ng pagtatalo, ang intensyon nito ay ang pakalmahin ang mga bagay-bagay at makipagkompromiso nang walang prinsipyo. Mayroon bang salita na sumasalamin sa perspektibang dapat taglayin ng asawang babae sa usaping ito, isang perspektiba na parehong tama at naaayon sa katotohanan? (Wala.) Hindi ba’t karamihan ng mga tao ay nagsasabi ng ganitong mga bagay? (Oo.) Ano ang pinapatunayan nito? (Ang karamihan sa mga tao ay medyo magulo ang isip at ang mga ideya nila ay hindi nakakatulong.) Ang karamihan sa mga tao ay magulo ang isip, hindi nila hinahangad ang katotohanan, o hindi nila nauunawaan ang katotohanan. Ano’t anuman, hindi nila nauunawaan kung ano ang katotohanan, o kung ano ang mga hinihingi ng Diyos sa tao. Sa mas partikular, tungkol sa pag-aasawa, sadyang hindi nauunawaan ng mga tao, pagdating sa mga salita ng Diyos at depinisyon ng Diyos sa pag-aasawa, kung paano nila dapat harapin ang mga problema na lumilitaw sa pag-aasawa sa paraang naaayon sa mga layunin ng Diyos, at kung paano sila hindi dapat magpadala sa init ng ulo.
Anumang isyu ang iyong kinakaharap, ito man ay malaki o maliit, dapat palagi mo itong harapin gamit ang mga salita ng Diyos bilang ang iyong batayan at ang katotohanan bilang ang iyong pamantayan. Kung gayon, ano ang batayan sa mga salita ng Diyos tungkol sa mga isyung ito na lumilitaw sa pag-aasawa? Ano ang pamantayan ng katotohanan? Ang iyong asawa ay hindi tapat sa inyong pagsasama, at problema niya iyon. Ngunit hindi mo maaaring hayaang makaapekto ang kanyang problema sa pagkakaroon mo ng tamang saloobin at pagpapahalaga sa responsabilidad sa pag-aasawa. Siya ang nagkasala, ngunit hindi mo dapat hayaang makaapekto ang kanyang mga pagsalangsang sa saloobin na dapat mayroon ka sa pag-aasawa. Naniniwala kang siya ang iyong destinasyon, ngunit akala mo lang iyon, at ang totoo, hindi iyon ganoon. Hindi rin kailanman hiningi o inorden ng Diyos na ganito ang mangyari. Sadya lamang na iginigiit mong paniwalaan na siya ang iyong destinasyon, ang kabiyak ng iyong kaluluwa, nang dahil sa pagmamahal, sa pagnanais ng tao, at ang mas tumpak, dahil sa init ng ulo ng tao. Mali na igiit mong paniwalaan ito. Anuman ang iyong pinaniniwalaan noon, ano’t anuman, dapat baguhin mo na ngayon ang iyong direksiyon at tingnan kung ano ang tamang mga pag-iisip at saloobin ang hinihingi ng Diyos sa mga tao. Paano mo ito dapat harapin kapag ang iyong asawa ay hindi tapat? Hindi ka dapat makipag-away at manggulo, o mag-eskandalo at magwala. Dapat mong maunawaan na kapag nangyari ito, hindi bumabagsak ang langit, hindi rin nasisira ang iyong pangarap sa iyong destinasyon, siyempre, hindi rin ito nangangahulugan na kailangang matapos ang iyong buhay may-asawa at maghiwalay kayo, lalong hindi ito nangangahulugan na nabigo ang iyong buhay may-asawa o na ito ay nagwakas na. Sadya lamang na dahil ang lahat ay may mga tiwaling disposisyon, at dahil ang mga tao ay naiimpluwensiyahan ng mga buktot na kalakaran at ng mga karaniwang pagsasagawa ng mundo at wala silang panangga para depensahan ang kanilang sarili laban sa mga buktot na kalakaran, hindi maiwasan ng mga tao na magkamali, maging hindi tapat, makiapid, at biguin ang kanilang kabiyak. Kung titingnan mo ang problemang ito mula sa perspektibang ito, hindi ito gaanong malaking isyu. Ang lahat ng mag-asawa ay naaapektuhan ng pangkalahatang kapaligiran ng mundo at ng mga buktot na kalakaran at mga karaniwang kaugalian ng lipunan. Dagdag pa rito, mula sa perspektiba ng isang indibidwal, ang mga tao ay mayroong mga seksuwal na pagnanasa, at sila ay naiimpluwensiyahan ng gayong mga penomena tulad ng pangangalunya ng mga lalaki at babae sa mga pelikula at mga drama sa telebisyon at ng pagkauso ng pornograpiya sa lipunan. Mahirap para sa mga tao na sumunod sa mga prinsipyong dapat nilang itaguyod. Sa madaling salita, mahirap para sa mga tao na mapanatili ang isang moral na pamantayan. Madaling masira ang mga hangganan ng seksuwal na pagnanasa; ang mismong seksuwal na pagnanasa ay hindi tiwali, ngunit dahil may mga tiwaling disposisyon ang mga tao, pati na rin ang katunayan na ang mga tao ay namumuhay sa ganitong uri ng pangkalahatang kapaligiran, madali silang nakakagawa ng mga pagkakamali pagdating sa mga relasyon sa pagitan ng mga lalaki at babae, at ito ay isang bagay na dapat malinaw mong maunawaan. Walang sino man na may tiwaling disposisyon ang makatitiis sa tukso o pang-aakit sa ganitong uri ng pangkalahatang kapaligiran. Ang seksuwal na pagnanasa ng tao ay maaaring lumitaw kahit anong oras at kahit saan, at ang mga tao ay maaaring makiapid kailanman at saanman. Ito ay hindi dahil mayroong problema sa seksuwal na pagnanasa mismo, sa halip, ito ay dahil mayroong mali sa mga tao mismo. Ginagamit ng mga tao ang kanilang mga seksuwal na pagnanasa upang gawin ang mga bagay na nagiging sanhi ng pagkawala ng kanilang moralidad, etika, at integridad, tulad ng pakikiapid, pakikipagrelasyon sa iba, pagkakaroon ng kabit, at iba pa. Kaya, bilang isang taong nananampalataya sa Diyos, kung mahaharap mo nang tama ang mga bagay na ito, dapat na pangasiwaan mo ang mga ito nang makatwiran. Ikaw ay isang tiwaling tao, at siya ay isa ring tiwaling tao, kaya hindi mo dapat igiit na tularan ka niya at manatili siyang tapat dahil lamang sa nagawa mong manatiling tapat sa inyong buhay may-asawa, hinihingi sa kanya na hindi siya dapat magtaksil kailanman. Kapag nangyari ang ganoong bagay, dapat mo itong harapin nang tama. Bakit? Ang lahat ay may oportunidad na humarap sa gayong kapaligiran o tukso. Maaari mong bantayan nang husto ang iyong asawa ngunit wala itong saysay, at kapag mas mahigpit mo siyang binabantayan, mas mabilis at mas maaga itong mangyayari. Ito ay dahil ang lahat ay mayroong mga tiwaling disposisyon, ang lahat ay namumuhay sa ganitong pangkalahatang kapaligiran ng isang buktot na lipunan, at kaunting-kaunti lang ang hindi malalandi. Napipigilan lang silang maging malandi dahil sa kanilang sitwasyon o mga kondisyon. Mas nakahihigit ang tao sa mga hayop sa iilang bagay lamang. Sa pinakamababa, ang hayop ay likas na sumusunod sa mga seksuwal na gawi nito, ngunit hindi ganoon ang mga tao. Ang mga tao ay may kakayahan na makipagtalik sa maraming tao at sa kanilang kadugo nang may kamalayan—tanging ang mga tao ang may kakayahang makipagtalik sa maraming tao. Kaya naman, sa pangkalahatang kapaligiran ng buktot na lipunang ito, hindi lamang ang mga hindi nananampalataya sa Diyos kundi ang halos lahat ng tao ay may kakayahan na gumawa ng gayong mga bagay. Ito ay isang katunayan na hindi mapapabulaanan, at hindi makakatakas ang isang tao mula sa problemang ito. Kaya, dahil maaaring mangyari ang ganitong bagay sa sinuman, bakit hindi mo pahintulutan na mangyari ito sa iyong mister? Ang totoo, napakanormal lamang na mangyari ito. Dahil lamang sa emosyonal na ugnayan mo sa kanya, kapag inabandona at iniwan ka niya, hindi mo ito magawang malampasan at hindi mo ito makayanan. Kung mangyari ang ganitong bagay sa ibang tao, mapapangiti ka na lang nang alanganin at sasabihing, “Normal lang iyan. Hindi ba’t ganito ang lahat sa lipunan?” Ano nga ba ang nilalaman ng kasabihang iyon? Iyong may kinalaman sa keyk? (Gusto nilang makuha ang kanilang keyk at kainin din ito.) Ang lahat ng ito ay mga popular na salita at bagay ng mga buktot na kalakaran ng mundo. Ito ay isang bagay na kapuri-puri sa isang lalaki. Kung ang isang lalaki ay walang keyk at wala siyang makaing keyk, ito ay nagpapakita na wala siyang kakayahan at tatawanan siya ng mga tao. Kaya kapag nangyari ang ganitong bagay sa isang babae, maaaring siya ay mag-eskandalo, umiyak, manggulo, at hindi kumain dahil sa nangyaring ito, at nanaisin niyang mamatay, magbigti, at magpakamatay. Ang ilang babae ay sobrang nagagalit hanggang sa nasisiraan na sila ng bait. Hindi namamalayan na may kaugnayan ito sa kanyang saloobin sa pag-aasawa, at siyempre, direkta rin itong may kaugnayan sa kanyang ideya na “ang kanyang asawa ang kanyang destinasyon.” Ang babae ay naniniwala na sa paghihiwalay nilang mag-asawa, sinira din ng kanyang asawa ang pagtitiwala at kahanga-hangang aspirasyon ng destinasyon ng kanyang buhay. Dahil ang kanyang mister ang unang sumira sa balanse ng kanilang buhay mag-asawa, ang unang hindi tumupad sa mga panuntunan, dahil ito ang nang-iwan sa kanya, lumabag sa mga sinumpaang pangako ng mag-asawa, at ginawang bangungot ang kanyang magandang pangarap, ito ang nagdudulot sa kanya na ipahayag ang kanyang sarili sa ganitong mga paraan at umasal nang labis-labis. Kung tatanggapin ng mga tao ang tamang pagkaunawa sa pag-aasawa mula sa Diyos, aasal sila nang medyo makatwiran. Kapag nangyari ang ganitong bagay sa kanila, ang normal na mga tao ay masasaktan, iiyak, at magdurusa. Ngunit kapag kumakalma na sila at naiisip nila ang mga salita ng Diyos, ang pangkalahatang kapaligiran sa lipunan, at pagkatapos ay naiisip nila ang aktuwal na sitwasyon, na ang lahat ay may mga tiwaling disposisyon, pangangasiwaan nila ang usapin nang makatwiran at tama, at bibitiwan nila ito sa halip na kumapit dito na tulad ng pagkapit ng isang aso sa isang buto. Ano ang ibig Kong sabihin sa “bibitiwan nila ito”? Ibig Kong sabihin, dahil nagawa ng iyong mister ang bagay na ito at hindi siya naging tapat sa inyong buhay mag-asawa, dapat mong tanggapin ang katunayang ito, umupo kayong dalawa at mag-usap, tanungin mo siya, “Ano ang mga plano mo? Ano na ang gagawin natin ngayon? Itutuloy ba natin ang ating pagsasama bilang mag-asawa o tatapusin na natin ito at mamumuhay na tayo nang magkahiwalay?” Maupo lang kayong dalawa at mag-usap; hindi na kailangang mag-away pa o magdulot ng gulo. Kung iginigiit ng iyong asawa na tapusin na ang inyong pagsasama bilang mag-asawa, hindi iyon malaking isyu. Madalas na sinasabi ng mga walang pananampalataya, “Maraming isda sa dagat,” “Ang mga lalaki ay tulad ng mga bus—laging may sunod na darating,” at ano iyong isa pang kasabihan? “Huwag isuko ang buong gubat para lamang sa iisang puno.” At maliban sa pangit ang punong ito, bulok na rin ang loob nito. Tama ba ang mga kasabihang ito? Ito ay mga bagay na ginagamit ng mga walang pananampalataya para ipanatagg ang kanilang sarili, ngunit may kinalaman ba ang mga ito sa katotohanan? (Wala.) Kaya ano ang dapat na tamang pag-iisip at pananaw? Kapag naharap ka sa gayong pangyayari, una sa lahat ay hindi dapat uminit ang ulo mo, at dapat mong pigilan ang iyong galit at sabihin, “Kumalma tayo at mag-usap. Ano ang plano mong gawin?” Sinasabi niya, “Plano kong patuloy na sumubok kasama ka.” At pagkatapos ay sinasabi mo, “Kung gayon, patuloy tayong susubok. Huwag ka nang makiapid, gampanan mo ang iyong mga responsabilidad bilang mister, at maaari na nating tapusin ang usaping ito. Kung hindi mo magagawa iyon, maghiwalay na tayo at magkanya-kanya na. Maaaring inorden ng Diyos na dito na magtatapos ang ating buhay mag-asawa. Kung gayon nga, handa akong magpasakop sa Kanyang pagsasaayos. Maaari mong sundin ang malawak na daan, susundin ko naman ang landas ng pananalig sa Diyos, at hindi tayo makakaapekto sa isa’t isa. Hindi kita pakikialaman, at hindi mo ako dapat pigilan. Hindi ikaw ang magpapasya sa aking kapalaran at hindi ikaw ang aking destinasyon. Ang Diyos ang nagtatakda ng aking kapalaran at destinasyon. Kung saan ako makakarating sa buhay na ito ang huling paroroonan ko, at ito ang pagdating ng aking destinasyon—dapat akong magtanong sa Diyos, Siya ang nakakaalam, Siya ang may kataas-taasang kapangyarihan, at nais kong magpasakop sa Kanyang mga pamamatnugot at pagsasaayos. Ano’t anuman, kung ayaw mong ituloy ang pagsasama natin bilang mag-asawa, maghihiwalay tayo nang payapa. Bagaman wala akong partikular na kasanayan at umaasa sa iyo ang pamilyang ito sa pinansiyal na aspekto, magagawa ko pa ring mabuhay nang wala ka, at mamumuhay ako nang maayos. Hindi hahayaan ng Diyos na magutom ang isang maya, kaya mas higit pa ang Kanyang gagawin para sa akin, na isang buhay na tao. Mayroon akong mga kamay at paa, kaya kong alagaan ang sarili ko. Hindi mo kailangang mag-alala. Kung inorden ng Diyos na magiging mag-isa ako habambuhay nang wala ka sa aking tabi, kung gayon ay handa akong magpasakop, at handa akong tanggapin ang katunayang ito nang walang reklamo.” Hindi ba’t magandang gawin ang ganito? (Oo.) Napakaganda nito, hindi ba? Hindi na kailangan pang magtalo at mag-away, lalong hindi na dapat pang magdulot ng walang katapusang gulo upang malaman ito ng lahat—hindi na kailangan pa ang anuman sa mga iyon. Personal na usapin ng mag-asawa ang kanilang buhay mag-asawa. Kung may alitan na lumitaw sa buhay mag-asawa, kailangan na kayong dalawa ang lumutas nito at magpasan sa mga kahihinatnan. Bilang isang mananampalataya sa Diyos, dapat kang magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos anuman ang magiging resulta. Siyempre, pagdating sa pag-aasawa, kahit ano pa ang lumitaw na mga lamat o mga kahihinatnan, kung magpapatuloy man o hindi ang pagsasama ng mag-asawa, kung ikaw man ay tatahak sa isang bagong buhay sa loob ng iyong buhay may-asawa, o kung ang iyong buhay may-asawa ay magtatapos na roon, ang iyong pag-aasawa ay hindi ang iyong destinasyon, at ang iyong asawa ay hindi rin ang iyong destinasyon. Inorden lamang siya ng Diyos na lumitaw sa iyong buhay at sa iyong pag-iral upang gumanap ng isang papel ng pagsama sa iyo sa iyong landas sa buhay. Kung masasamahan ka niya hanggang sa dulo ng daan at mararating niya ang pinakadulo nang kasama ka, wala nang mas mainam pa sa roon, at dapat mong pasalamatan ang Diyos sa Kanyang biyaya. Kung may problema sa buhay mag-asawa, kung may mga lumilitaw man na lamat o may nangyayari na hindi mo gusto, at sa huli ay nagwawakas ang inyong pagsasama bilang mag-asawa, hindi iyon nangangahulugan na wala ka nang destinasyon, na ang iyong buhay ngayon ay nasa kadiliman na, o na wala nang liwanag, at wala kang kinabukasan. Maaaring ang pagtatapos ng iyong buhay may-asawa ay ang simula ng isang mas magandang buhay. Ang lahat ng ito ay nasa mga kamay ng Diyos, at ang Diyos na ang mamamatnugot at magsasaayos nito. Maaaring ang pagtatapos ng iyong buhay may-asawa ay magbibigay sa iyo ng mas malalim na pagkaarok at pagpapahalaga sa pag-aasawa, at ng mas malalim na pagkaunawa. Siyempre, maaaring para sa iyo, ang pagtatapos ng iyong buhay may-asawa ay isang mahalagang oras ng pagbabago sa iyong mga layon at direksiyon sa buhay at sa landas na iyong tinatahak. Ang idudulot nito sa iyo ay hindi malulungkot na alaala, lalong hindi masasakit na alaala, ni hindi rin pawang mga negatibong karanasan at resulta, sa halip, idudulot nito sa iyo ang mga positibo at aktibong karanasan na hindi mo makakamit kung ikaw ay may asawa pa rin. Kung nagpatuloy ang inyong pagsasama bilang mag-asawa, marahil ay palagi kang mamumuhay sa ganitong simple, karaniwan, at walang kulay na buhay hanggang sa katapusan ng iyong buhay. Gayunpaman, kung magtatapos ang iyong buhay may-asawa at kayo ay maghihiwalay, hindi ito isang masamang bagay. Ikaw ay dating napipigilan ng kaligayahan at mga responsabilidad ng iyong buhay may-asawa, pati na rin ng mga emosyon o paraan ng pamumuhay ng iyong pagmamalasakit para sa iyong asawa, ng iyong pag-aalaga sa kanya, pag-iisip sa kanya, pag-aaruga sa kanya, at pag-aalala sa kanya. Gayunpaman, simula sa araw na nagtapos ang iyong buhay may-asawa, lahat ng pangyayari sa iyong buhay, ang iyong mga layon sa pamumuhay at ang iyong mga paghahangad sa buhay ay sumasailalim sa isang masinsinan at ganap na pagbabago, at dapat sabihin na ang pagbabagong ito ay dahil sa pagtatapos ng iyong buhay may-asawa. Maaaring ang resulta, pagbabago, at transisyong ito ang nilalayon ng Diyos na makamit mo mula sa pag-aasawa na inorden Niya para sa iyo, at ang nilalayon ng Diyos na makamit mo sa paggabay sa iyo na wakasan na ang iyong buhay may-asawa. Bagamat nasaktan at nagdusa ka, at bagamat may mga ginawa kang mga sakripisyo at pakikipagkompromiso na hindi naman kailangan sa loob ng balangkas ng pag-aasawa, ang iyong matatanggap sa huli ay hindi makakamit sa loob ng buhay may-asawa. Kaya, ano man ang sitwasyon, tama lang na bitiwan ang pag-iisip at pananaw na “ang pag-aasawa ang iyong destinasyon.” Kung ang iyong buhay may-asawa man ay nagpapatuloy o nahaharap sa isang krisis, o kung ang iyong buhay may-asawa ay nahaharap man sa hiwalayan o ito ay nagtapos na, ano man ang sitwasyon, ang pag-aasawa mismo ay hindi ang iyong destinasyon. Ito ay isang bagay na dapat maunawaan ng mga tao.
Hindi dapat kimkimin ng mga tao ang kaisipan at pananaw na “ang pag-aasawa ang destinasyon ng isang tao.” Ang kaisipan at pananaw na ito ay isang malaking banta sa iyong kalayaan at sa iyong karapatan na pumili ng iyong landas sa buhay. Ano ang ibig Kong sabihin sa “banta”? Bakit Ko ginagamit ang salitang ito? Ibig Kong sabihin, sa tuwing nagdedesisyon ka, o sa tuwing ikaw ay may sinasabi o tinatanggap na anumang pananaw, kung ito ay may kinalaman sa kaligayahan mo sa pag-aasawa o sa integridad ng iyong pag-aasawa, o kung may kinalaman ito maging sa ideya na ang iyong kabiyak ang iyong destinasyon at ang iyong pangunahing tagasuporta, kung gayon, lubusan kang magagapos, at ikaw ay magiging sobrang mapagbantay at maingat. Nang hindi mo namamalayan, sa ganitong paraan, ang iyong malayang kalooban, ang iyong karapatang pumili ng iyong landas sa buhay, pati na rin ang iyong karapatan na hangarin ang mga positibong bagay at hangarin ang katotohanan, ay pawang magagapos at maaalis pa nga ng kaisipan at pananaw na ito, at kaya unti-unting dumadalang ang iyong pagharap sa Diyos. Ano ang ibig sabihin kapag unti-unting dumadalang ang pagharap mo sa Diyos? Ang iyong pag-asa na makamit ang kaligtasan ay unti-unting mababawasan at ang mga sirkumstansiya sa iyong buhay ay magiging kaawa-awa, kahabag-habag, madilim, at walang dangal. Bakit ganoon? Ito ay dahil itinuon mo ang lahat ng iyong mga pag-asa, ekspektasyon, at layon at direksiyon sa buhay sa iyong kabiyak na kasama mo sa pag-aasawa, at itinuturing mo na siya ang lahat-lahat para sa iyo. Dahil sa mismong pagturing mo sa iyong kabiyak bilang ang lahat-lahat para sa iyo kaya ka niya tinatanggalan ng lahat ng iyong karapatan, ginugulo at hinaharangan niya ang iyong pananaw, inaalisan ka niya ng integridad at dignidad, ng iyong normal na pag-iisip at katwiran, at ipinagkakait niya sa iyo ang karapatan na manampalataya sa Diyos at sundin ang tamang landas sa buhay, ang karapatan na magtatag ng tamang pananaw, at ang karapatan na maghangad ng kaligtasan. Kasabay nito, ang mga karapatan mong ito ay pawang pinamamahalaan at kinokontrol ng iyong kabiyak, at kaya sinasabi Ko na ang gayong mga tao ay namumuhay nang kaawa-awa, hindi marangal, at mababa. Sa sandaling ang kabiyak ng ganitong tao ay hindi masyadong nasisiyahan sa isang bagay o hindi komportable sa anumang paraan, nagsasabi pa nga na hindi maganda ang kutob nito, na labis silang natatakot na hindi na sila makakain o makatulog sa loob ng ilang araw at humaharap pa nga sila sa Diyos para manalangin habang umaagos ang kanilang mga luha—kailanman ay hindi pa sila nabagabag at nabalisa nang gayon sa anumang bagay sa buhay nila noon, talagang nag-aalala sila—sa sandaling mangyari ang ganitong bagay, parang sila ay mamamatay na. Bakit nga ba? Naniniwala sila na magkakaroon ng labis na pinsala, na mawawala na ang kanilang pangunahing tagasuporta, at na ang ibig sabihin nito ay katapusan na rin nila. Hindi sila naniniwala na ang buhay at kamatayan ng isang tao ay nasa mga kamay ng Lumikha, at lubha silang natatakot na kukuhain sa kanila ng Diyos ang kanilang asawa, na idudulot ng Diyos na mawala sa kanila ang kanilang kabiyak, ang kanilang tagasuporta, ang kanilang kalangitan, at ang kanilang kaluluwa—ito ay pagiging mapaghimagsik. Ipinagkaloob sa iyo ng Diyos ang pag-aasawa, at kapag mayroon ka nang tagasuporta at kabiyak, nalilimutan mo ang lahat tungkol sa Diyos, ayaw mo na sa Kanya. Ang iyong kabiyak na ang iyong Diyos, ang iyong panginoon, pati na rin ang iyong tagasuporta. Ito ay pagtataksil at ito ang pinakamapaghimagsik na pagkilos na maaaring gawin ng isang tao laban sa Diyos. May ilan pa nga na, kapag ang kanilang asawa ay medyo nagagalit o nagkakasakit, labis silang natatakot na hindi sila dumadalo sa mga pagtitipon nang maraming araw. Wala silang pinagsasabihan, ni hindi nila ipinapasa ang kanilang tungkulin para gawin ito ng iba, bigla na lamang silang nawawala na parang bula. Ang buhay at kamatayan ng kanilang asawa ang kanilang pinakapinag-aalala at ang kanilang pinakapinahahalagahan sa kanilang buhay, at wala nang mas mahalaga pa kaysa rito—ito ay mas mahalaga para sa kanila kaysa sa Diyos, sa atas ng Diyos, at sa kanilang tungkulin. Nawawala sa mga taong ito ang kanilang pagkakakilanlan, halaga, at kabuluhan na dapat mayroon ang mga nilkha sa harap ng Diyos, at nasusuklam sa kanila ang Diyos. Binigyan ka ng Diyos ng isang tahimik na buhay at ng isang kabiyak para lamang mamuhay ka nang mas maayos at mayroong mag-aalaga sa iyo, upang mayroon kang kapiling, hindi upang makalimutan mo ang Diyos at ang Kanyang mga salita o talikuran mo ang iyong obligasyon na gampanan ang iyong tungkulin at ang iyong layon sa buhay na hangarin ang kaligtasan kapag may asawa ka na, at pagkatapos ay mamumuhay ka para sa iyong asawa. Kung talagang kikilos ka nang ganito, kung talagang mamumuhay ka nang ganito, kung gayon ay umaasa Ako na magbabago ka ng landas sa lalong madaling panahon. Gaano man kahalaga sa iyo ang isang tao, o gaano man siya kahalaga sa iyong buhay, sa iyong pamumuhay, o sa landas ng iyong buhay, hindi siya ang iyong destinasyon dahil siya ay isa lamang tiwaling tao. Isinaayos ng Diyos ang iyong kasalukuyang asawa para sa iyo, at maaari kang mamuhay kasama siya. Kung magbago ang isip ng Diyos at isasaayos Niya ang ibang tao para sa iyo, maaari ka pa ring mamuhay nang maayos, kaya naman, ang iyong kasalukuyang kabiyak ay hindi ang iyong natatangi, ni hindi siya ang iyong destinasyon. Tanging sa Diyos lamang ipinagkakatiwala ang iyong destinasyon, at tanging sa Diyos lamang ipinagkakatiwala ang destinasyon ng sangkatauhan. Maaari ka pa ring mabuhay kung iiwan mo ang iyong mga magulang, at siyempre, maaari ka pa ring mamuhay nang maayos kung iiwan mo ang iyong kabiyak. Ang iyong mga magulang at ang iyong kabiyak ay hindi ang iyong destinasyon. Dahil lamang sa mayroon kang kabiyak, mayroon kang mapagkakatiwalaan ng iyong espiritu, ng iyong kaluluwa, at ng iyong laman, huwag mong kalimutan ang mga pinakamahalagang bagay sa buhay. Kung makakalimutan mo ang Diyos, makakalimutan kung ano ang ipinagkatiwala Niya sa iyo, makakalimutan ang tungkulin na dapat gampanan ng isang nilikha, at makakalimutan kung ano ang iyong pagkakakilanlan, kung gayon ay ganap ka nang walang konsensiya at katwiran. Anuman ang sitwasyon ng iyong buhay ngayon, may asawa ka man o wala, hinding-hindi magbabago ang iyong pagkakakilanlan sa harap ng Lumikha. Walang sinuman ang maaaring maging destinasyon mo, at hindi mo rin maaaring ipagkatiwala ang iyong sarili sa sinuman. Tanging ang Diyos ang makapagbibigay sa iyo ng angkop na destinasyon, tanging sa Diyos lamang ipinagkakatiwala ang pag-iral ng sangkatauhan, at hindi na ito magbabago. Malinaw ba iyon? (Oo.)
Tatapusin na natin dito ang ating pagbabahaginan tungkol sa pag-aasawa. Kung nais ninyong ipahayag ang inyong sariling mga ideya, pananaw, o sabihin ang inyong mga saloobin, mangyaring gawin na ninyo ito ngayon. (Dati, mayroon akong mga pananaw at kaisipang iyon na ang pag-aasawa ang destinasyon ng isang tao. Kung makikiapid ang aking asawa, magiging desperado ako at hindi ko kakayaning mabuhay pa. Narinig ko mula sa ilang kapatid na naranasan din nila ang ganito, at ang danasin ang ganitong bagay ay napakasakit. Ngunit ngayon, pagkatapos makinig sa pagbabahagi ng Diyos, kaya ko nang harapin nang tama ang bagay na ito. Una, binanggit ng Diyos na sa buktot na lipunang ito, maaaring maakit ang mga tao ng mga tao, pangyayari, at bagay ng mundo sa labas at napakadali nilang magkamali, kaya nauunawaan ko na ngayon ang ganitong bagay. Pangalawa, kailangan din nating harapin nang tama ang ating asawa. Ang ating asawa ay hindi ang ating destinasyon sa buhay. Tanging ang Diyos ang ating destinasyon, at tanging sa pagsandal sa Diyos tayo makakapagpatuloy sa buhay. Pakiramdam ko, may kaunti na akong bagong pagkaunawa tungkol dito ngayon.) Mahusay. Ang lahat ng pananaw at saloobin tungkol sa katotohanan na pinagbabahaginan natin ay naglalayong bigyang-kakayahan ang mga tao na iwaksi ang lahat ng uri ng baluktot, hindi tama, at negatibong kaisipan at pananaw; pagkatapos, pinagbabahaginan ang mga ito upang, kapag naharap ng mga tao ang gayong bagay, maaari silang mapatibay gamit ang tamang mga kaisipan at pananaw, maaari silang magkaroon ng tamang landas ng pagsasagawa, upang hindi sila malihis, at hindi na sila malihis at makontrol pa ni Satanas; pinagbabahaginan ang mga ito upang ang mga tao ay hindi gumawa ng mga labis-labis na bagay, upang makaya nilang tanggapin ang lahat ng bagay mula sa Diyos, magpasakop sa mga pagsasaayos ng Diyos sa lahat ng bagay, at maging tunay na mga nilikha. Ito ang tamang paraan. Sige, dito na natin tapusin ang ating pagbabahaginan ngayong araw. Paalam!
Pebrero 4, 2023