160 Paano Makikilala ang Praktikal na Diyos
1 Ano ang dapat mong malaman tungkol sa praktikal na Diyos? Ang Espiritu, ang Persona, at ang Salita ang bumubuo sa praktikal na Diyos Mismo, at ito ang tunay na kahulugan ng praktikal na Diyos Mismo. Kabilang sa kaalaman sa praktikal na Diyos ang pagkaalam at pagdanas ng Kanyang mga salita, at pag-unawa sa mga patakaran at mga prinsipyo ng gawain ng Banal na Espiritu at kung paano gumagawa ang Espiritu ng Diyos sa katawang-tao. Kabilang din dito ang pagkaalam na pinamamahalaan ng Espiritu ang bawat pagkilos ng Diyos sa katawang-tao, at na direktang pagpapahayag ng Espiritu ang mga salitang sinasabi Niya. Sa gayon, upang makilala ang praktikal na Diyos, pinakamahalagang malaman kung paanong gumagawa ang Diyos sa pagkatao at sa pagka-Diyos; pumapatungkol naman ito sa mga pagpapahayag ng Espiritu, kung saan nakikipag-ugnayan ang lahat ng tao.
2 Ano ang mga aspeto ng mga pagpapahayag ng Espiritu? Kung minsan, gumagawa ang Diyos sa pagkatao, at kung minsan sa pagka-Diyos—ngunit sa parehong pagkakataon ang Espiritu ang namumuno. Mayroong dalawang bahagi sa Kanyang pangangasiwa sa pamamagitan ng Espiritu: ang gawain Niya sa pagkatao ang isang bahagi, at ang gawain Niya sa pamamagitan ng pagka-Diyos ang isa. Dapat mong malaman ito nang malinaw. Nag-iiba ang gawain ng Espiritu ayon sa mga pangyayari: Kapag kinakailangan ang Kanyang gawaing pantao, pinangangasiwaan ng Espiritu ang gawaing pantaong ito, at kapag kinakailangan ang Kanyang gawain sa pagka-Diyos, direktang nagpapakita ang pagka-Diyos upang isakatuparan ito. Dahil gumagawa sa katawang-tao at nagpapakita sa katawang-tao ang Diyos, parehong gumagawa Siya sa pagkatao at sa pagka-Diyos.
3 Ang pagpapakita ng Diyos sa katawang-tao ay nangangahulugang lahat ng gawain at mga salita ng Espiritu ng Diyos ay ginagawa sa pamamagitan ng Kanyang normal na pagkatao at sa pamamagitan ng Kanyang nagkatawang-taong laman. Sa madaling salita, pinangangasiwaan agad ng Espiritu ng Diyos ang Kanyang gawaing pantao at ipinatutupad ang gawain ng pagka-Diyos sa katawang-tao, at sa Diyos na nagkatawang-tao ay pareho mong makikita ang gawain ng Diyos sa pagkatao at ang Kanyang gawain sa ganap na pagka-Diyos. Ito ang aktwal na kabuluhan ng pagpapakita ng praktikal na Diyos sa katawang-tao. Ang kahulugan ng praktikal na Diyos ay na ang gawain ng Kanyang pagkatao at ng Kanyang pagka-Diyos, sa pangangasiwa ng Espiritu, ay ipinahahayag sa pamamagitan ng Kanyang katawang-tao, upang makita ng mga tao na Siya ay maliwanag at makatotohanan, at tunay at totoo.
Hango sa Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Malaman na ang Praktikal na Diyos ay ang Diyos Mismo