Paano Nakilala ni Pedro si Jesus

Sa panahong ginugol ni Pedro sa piling ni Jesus, marami siyang nakitang kaibig-ibig na katangian ni Jesus, maraming aspetong karapat-dapat na tularan, at maraming aspetong tumustos sa kanya. Bagama’t nakita ni Pedro ang katauhan ng Diyos kay Jesus sa maraming paraan, at ang maraming kaibig-ibig na katangian, hindi niya kilala si Jesus sa simula. Sinimulang sundan ni Pedro si Jesus noong siya ay 20 taong gulang, at patuloy siyang sumunod sa Kanya sa loob ng anim na taon. Sa panahong iyon, hindi niya nakilala si Jesus kailanman; naging handa si Pedro na sundan si Jesus dahil lamang sa paghanga sa Kanya. Nang una siyang tawagin ni Jesus sa baybayin ng Dagat ng Galilea, itinanong Niya: “Simon Bar-Jonas, susundan mo ba Ako?” Sabi ni Pedro: “Kailangan kong sundan siya na isinugo ng Ama sa langit. Kailangan kong kilalanin siya na pinili ng Banal na Espiritu. Susundan Kita.” Sa panahong ito, nabalitaan na ni Pedro ang isang lalaking nagngangalang Jesus—ang pinakadakila sa mga propeta at pinakamamahal na Anak ng Diyos—at noon pa man ay palagian nang inasam ni Pedro na matagpuan Siya at inasahang magkaroon ng pagkakataong makita Siya (dahil iyan ang paraan ng paggabay sa kanya noon ng Banal na Espiritu). Bagama’t hindi pa Siya nakita ni Pedro kailanman at narinig lamang niya ang mga bali-balita tungkol sa Kanya, unti-unting lumago ang pananabik at paghanga kay Jesus sa kanyang puso, at madalas niyang pinanabikan na balang araw ay makita niya si Jesus. At paano tinawag ni Jesus si Pedro? Narinig na rin Niya ang tungkol sa isang lalaking tinatawag na Pedro, subalit hindi ang Banal na Espiritu ang nag-utos sa Kanya na: “Pumunta Ka sa Dagat ng Galilea, kung saan may isang tinatawag na Simon Bar-Jonas.” Narinig ni Jesus na sinabi ng isang tao na may isang taong tinatawag na Simon Bar-Jonas, at na narinig na ng mga tao ang kanyang sermon, na ipinangaral niya rin ang ebanghelyo ng kaharian ng langit, at na napaluha ang mga taong nakarinig sa kanya. Nang marinig ito, sinundan ni Jesus ang taong iyon sa Dagat ng Galilea; nang tanggapin ni Pedro ang tawag ni Jesus, sinundan niya Siya.

Noong panahong sinusundan niya si Jesus, nagbuo ng maraming opinyon si Pedro tungkol sa Kanya at palagi Siyang hinusgahan mula sa sarili niyang pananaw. Bagama’t may kaunting pagkaunawa tungkol sa Espiritu, medyo malabo ang kanyang pagkaunawa, kaya sinabi niya: “Kailangan kong sundan siya na isinugo ng Ama sa langit. Kailangan kong kilalanin siya na pinili ng Banal na Espiritu.” Hindi niya naunawaan ang mga bagay na ginawa ni Jesus at hindi niya naliwanagan ang mga iyon. Matapos Siyang sundan nang ilang panahon, lumago ang interes ni Pedro sa Kanyang ginawa at sinabi, at kay Jesus Mismo. Nadama niya na naghikayat si Jesus kapwa ng pagmamahal at paggalang; ginusto niyang makasama Siya at manatili sa Kanyang tabi, at ang pakikinig sa mga salita ni Jesus ay nagbigay sa kanya ng panustos at tulong. Sa panahong sinundan niya si Jesus, minasdan at isinapuso ni Pedro ang lahat tungkol sa Kanyang buhay: Kanyang mga kilos, salita, galaw, at pagpapahayag. Nagtamo siya ng malalim na pagkaunawa na si Jesus ay hindi katulad ng ordinaryong mga tao. Bagama’t ang Kanyang hitsura ay lubhang normal, puno Siya ng pagmamahal, habag, at pagpaparaya sa tao. Lahat ng Kanyang ginawa o sinabi ay malaking tulong sa iba, at nakita at natamo ni Pedro ang mga bagay na hindi pa niya nakita o nakamtan kailanman mula kay Jesus. Nakita niya na bagama’t walang mataas na tayog ni ng pambihirang pagkatao si Jesus, mayroon Siyang ere na talagang pambihira at di-pangkaraniwan. Bagama’t hindi ito lubos na maipaliwanag ni Pedro, nakita niya na iba ang kilos ni Jesus sa lahat ng iba pa, sapagkat ang mga bagay na Kanyang ginawa ay ibang-iba sa normal na mga tao. Mula sa panahon ng kanyang pakikipag-ugnayan kay Jesus, nakita rin ni Pedro na ang Kanyang pagkatao ay iba sa isang ordinaryong tao. Palagi Siyang matatag at hindi nagmamadali kailanman kung kumilos, hindi labis ni kulang sa isang paksa kailanman, at namuhay Siya sa isang paraang naghayag ng isang katangian na kapwa normal at kahanga-hanga. Sa pakikipag-usap, simple at kaaya-ayang magsalita si Jesus, na palaging nakikipag-ugnayan sa masaya subalit mahinahong paraan—subalit hindi nawala kailanman ang Kanyang dignidad samantalang isinasagawa ang Kanyang gawain. Nakita ni Pedro na kung minsan ay walang imik si Jesus, samantalang sa ibang mga pagkakataon naman ay wala Siyang tigil sa pagsasalita. Kung minsan ay napakasaya Niya kaya mukha Siyang isang paluksu-lukso at tuwang-tuwang kalapati, at sa ibang mga pagkakataon naman ay napakalungkot Niya kaya hindi man lamang Siya talaga nagsasalita, na mukhang puno ng dalamhati na parang pagod na pagod na ina. Kung minsan galit na galit Siya na parang isang matapang na sundalo na lumulusob para patayin ang isang kaaway o, sa ilang pagkakataon, mukha pa nga siyang isang umuungol na leon. Kung minsan tumatawa Siya; kung minsan naman nagdarasal Siya at umiiyak. Paano man kumilos si Jesus, lumago ang walang-hanggang pagmamahal at paggalang ni Pedro para sa Kanya. Ang pagtawa ni Jesus ay pinuspos siya ng kaligayahan, ang Kanyang kalungkutan ay isinadlak siya sa pighati, ang Kanyang galit ay tumakot sa kanya, samantalang ang Kanyang habag, pagpapatawad, at mahihigpit na kahilingan Niya sa mga tao ay naging dahilan para tunay niyang mahalin si Jesus at magkaroon ng tunay na takot at pananabik sa Kanya. Siyempre pa, unti-unti lamang natanto ni Pedro ang lahat ng ito nang namuhay siyang kasama ni Jesus sa loob ng ilang taon.

Si Pedro ay isang partikular na matinong tao, isinilang na may likas na talino, subalit gumawa siya ng maraming kalokohan habang sumusunod kay Jesus. Sa simula pa lamang, may ilang kuru-kuro siya tungkol kay Jesus. Itinanong niya: “Sabi ng mga tao, isa Kang propeta, kaya noong walong taong gulang Ka at nagsimula kang makaunawa sa mga bagay-bagay, alam Mo ba na Ikaw ang Diyos? Alam Mo ba na ipinaglihi Ka ng Banal na Espiritu?” Tumugon si Jesus: “Hindi, hindi Ko alam. Hindi ba Ako mukhang normal na tao sa iyo? Kapareho Ako ng sinupamang iba. Ang taong isinusugo ng Ama ay isang normal na tao, hindi isang pambihirang tao. At, bagama’t ang gawaing ginagawa Ko ay kumakatawan sa Aking Ama sa langit, ang Aking larawan, ang Aking persona, at ang katawang-taong ito ay hindi maaaring lubos na kumatawan sa Aking Ama sa langit—isang bahagi lamang Niya. Bagama’t nanggaling Ako sa Espiritu, isa pa rin Akong karaniwang tao, at isinugo Ako ng Aking Ama sa mundong ito bilang isang normal na tao, hindi isang pambihirang tao.” Nang marinig na ito ni Pedro, saka lamang siya nagkaroon ng bahagyang pagkaunawa tungkol kay Jesus. At matapos magdaan sa napakaraming oras ng gawain ni Jesus, Kanyang pagtuturo, Kanyang paggabay, at Kanyang pag-alalay, saka lamang siya nagtamo ng mas malalim na pagkaunawa. Sa Kanyang ika-30 taon, sinabi ni Jesus kay Pedro na malapit na Siyang ipako sa krus at na naparito Siya upang gawin ang isang yugto ng gawain—ang gawaing ipako sa krus—upang tubusin ang buong sangkatauhan. Sinabi rin ni Jesus kay Pedro na tatlong araw pagkaraang ipako Siya sa krus, ang Anak ng tao ay muling babangon, at na matapos bumangon, Siya ay magpapakita sa mga tao sa loob ng 40 araw. Pagkarinig sa mga salitang ito, nalungkot si Pedro at sineryoso ang mga salitang ito; mula noon, lalo pa siyang napalapit kay Jesus. Matapos makaranas nang ilang panahon, natanto ni Pedro na lahat ng ginawa ni Jesus ay yaong sa katauhan ng Diyos, at naisip niya na lubhang kaibig-ibig si Jesus. Nang magkaroon siya ng ganitong pagkaunawa, saka lamang siya niliwanagan ng Banal na Espiritu sa kanyang kalooban. Noon bumaling si Jesus sa Kanyang mga disipulo at iba pang mga alagad at nagtanong: “Juan, sino Ako para sa iyo?” Tumugon si Juan: “Ikaw si Moises.” Pagkatapos ay bumaling Siya kay Lucas: “At ikaw, Lucas, sino Ako para sa iyo?” Tumugon si Lucas: “Ikaw ang pinakadakila sa mga propeta.” Pagkatapos ay tinanong Niya ang isang miyembrong babae, at tumugon ito: “Ikaw ang pinakadakila sa mga propeta na nangungusap ng maraming salita mula sa kawalang-hanggan hanggang sa kawalang-hanggan. Walang kaninumang propesiya ang kasindakila ng sa Iyo, ni walang kaninumang kaalaman ang hihigit sa Iyo; Ikaw ay isang propeta.” Pagkatapos ay bumaling si Jesus kay Pedro at nagtanong: “Pedro, sino Ako para sa iyo?” Tumugon si Pedro: “Ikaw ang Cristo, ang Anak ng buhay na Diyos. Ikaw ay mula sa langit. Hindi Ka nagmula sa lupa. Hindi Ka katulad ng mga nilalang ng Diyos. Kami ay nasa lupa at kasama Ka namin dito, ngunit Ikaw ay mula sa langit, hindi Ka nagmula sa mundo, at hindi Ka nagmula sa lupa.” Sa pamamagitan ng karanasan niyang ito siya niliwanagan ng Banal na Espiritu, na nagbigay-kakayahan sa kanya na matamo ang pagkaunawang ito. Pagkatapos ng kaliwanagang ito, lalo pa niyang hinangaan ang lahat ng nagawa ni Jesus, inisip na lalo pa Siyang kaibig-ibig, at laging nag-aatubili ang kanyang puso na mapahiwalay kay Jesus. Kaya, sa unang pagkakataong inihayag ni Jesus ang Kanyang Sarili kay Pedro matapos Siyang ipako sa krus at mabuhay na mag-uli, umiyak si Pedro nang may pambihirang kaligayahan: “Panginoon! Nagbangon Ka!” Pagkatapos, nananangis, nahuli ni Pedro ang isang napakalaking isda, niluto ito at inihain ito kay Jesus. Ngumiti si Jesus, ngunit hindi nagsalita. Bagama’t alam ni Pedro na nabuhay na mag-uli si Jesus, hindi niya naunawaan ang kahiwagaan nito. Nang ibigay niya kay Jesus ang isda para kainin, hindi ito tinanggihan ni Jesus ngunit hindi Siya nagsalita o umupo para kumain. Sa halip, bigla Siyang nawala. Labis itong ikinagulat ni Pedro, at noon lamang niya naunawaan na ang nabuhay na mag-uling Jesus ay iba sa dating Jesus. Nang matanto niya ito, nagdalamhati si Pedro, ngunit naaliw rin siya sa pagkaalam na natapos na ng Panginoon ang Kanyang gawain. Nabatid niya na natapos na ni Jesus ang Kanyang gawain, na tapos na ang panahon na makasama Niya ang tao, at na kakailanganin ng tao na tahakin ang sarili niyang landas mula noon. Minsa’y nasabi sa kanya ni Jesus: “Kailangang uminom ka rin mula sa mapait na saro na Aking nainuman (ito ang Kanyang sinabi matapos mabuhay na mag-uli). Kailangan mo ring tahakin ang landas na Aking tinahak. Kailangan mo ring ialay ang buhay mo para sa Akin.” Hindi katulad ngayon, ang gawain noong panahong iyon ay hindi sa anyo ng harapang pag-uusap. Sa panahon ng Kapanahunan ng Biyaya, ang gawain ng Banal na Espiritu ay tagung-tago, at dumanas ng maraming hirap si Pedro. Kung minsan, napabulalas na si Pedro ng: “Diyos ko! Walang-wala ako maliban sa buhay na ito. Bagama’t hindi ito gaanong mahalaga sa Iyo, nais kong ilaan ito sa Iyo. Bagama’t hindi karapat-dapat ang mga tao na mahalin Ka, at ang kanilang pagmamahal at puso ay walang halaga, naniniwala ako na alam Mo ang hangarin ng puso ng mga tao. At kahit hindi katanggap-tanggap sa Iyo ang katawan ng mga tao, nais kong tanggapin Mo ang puso ko.” Ang pagbigkas ng ganitong mga panalangin ay nagbigay sa kanya ng lakas ng loob, lalo na nang ipagdasal niyang: “Handa akong ilaan ang puso ko nang buung-buo sa Diyos. Kahit na wala akong magawang anuman para sa Diyos, handa akong tapat na palugurin ang Diyos at iukol ang sarili ko nang buong-puso sa Kanya. Naniniwala ako na kailangang tingnan ng Diyos ang puso ko.” Sabi niya: “Wala akong hinihiling sa buhay ko kundi na ang mga iniisip kong mahalin ang Diyos at tanggapin ng Diyos ang hangarin ng puso ko. Napakatagal kong kapiling ang Panginoong Jesus, subalit hindi ko Siya minahal kailanman; iyon ang pinakamalaki kong pagkakautang. Kahit nanatili ako sa piling Niya, hindi ko Siya kilala, at nagsalita pa ako ng ilang bagay na hindi angkop sa Kanyang likuran. Ang pag-iisip sa mga bagay na ito ay nagpapadama sa akin na mas malaki ang pagkakautang ko sa Panginoong Jesus.” Palagi siyang nanalangin sa ganitong paraan. Sabi niya: “Mas hamak pa ako sa alikabok. Wala akong magagawa kundi ilaan ang tapat na pusong ito sa Diyos.”

May rurok sa mga karanasan ni Pedro, noong halos lupaypay na ang kanyang buong katawan, ngunit pinalakas pa rin ni Jesus ang kanyang loob. At minsan, nagpakita si Jesus kay Pedro. Noong matindi ang pagdurusa ni Pedro at nadama niyang wasak ang kanyang puso, inutusan siya ni Jesus: “Kasama kita sa lupa, at kasama mo Ako rito. At bagama’t magkasama tayo noon sa langit, ito naman ay sa espirituwal na mundo. Ngayon ay nakabalik Ako sa espirituwal na mundo, at ikaw ay nasa lupa, sapagkat hindi Ako nagmula sa lupa, at bagama’t hindi ka nagmula sa lupa, kailangan mong gampanan ang iyong tungkulin sa lupa. Dahil ikaw ay isang lingkod, kailangan mong tuparin ang iyong tungkulin.” Nang marinig ni Pedro na maaari siyang bumalik sa tabi ng Diyos, naaliw siya. Noon, lungkot na lungkot si Pedro na halos maratay siya sa banig ng karamdaman; nakadama siya ng pagsisisi hanggang sa sabihin niyang: “Napakatiwali ko kaya hindi ko mapalugod ang Diyos.” Nagpakita si Jesus sa kanya at nagsabing: “Pedro, nalimutan mo kaya ang matibay na pagpapasiyang ginawa mong minsan sa Aking harapan? Talaga bang nalimutan mo na ang lahat ng sinabi Ko? Nalimutan mo na ba ang matibay na pagpapasiyang ginawa mo sa Akin?” Nang makitang si Jesus iyon, bumangon si Pedro mula sa kanyang higaan, at pinanatag siya ni Jesus nang ganito: “Hindi Ako nagmula sa lupa, sinabi Ko na sa iyo—kailangan mo itong maunawaan, ngunit nalimutan mo na ba ang ibang sinabi Ko sa iyo? ‘Hindi ka rin nagmula sa lupa, hindi ka nagmula sa mundo.’ Ngayon mismo, may gawaing kailangan mong gawin. Hindi ka maaaring magdalamhati nang ganito. Hindi ka maaaring magdusa nang ganito. Bagama’t ang mga tao at ang Diyos ay hindi maaaring umiral nang magkasama sa iisang mundo, mayroon Akong gawain at mayroon kang iyo, at balang araw kapag natapos ang gawain mo, magkakasama tayo sa isang dako, at aakayin kita upang makasama Ko magpakailanman.” Naaliw at muling napanatag si Pedro nang marinig ang mga salitang ito. Alam niya na ang pagdurusang ito ay isang bagay na kinailangan niyang tiisin at maranasan, at mula noon, nagkaroon siya ng inspirasyon. Sadyang nagpakita sa kanya si Jesus sa bawat mahalagang sandali, na binibigyan siya ng espesyal na kaliwanagan at patnubay, at marami Siyang ginawang gawain sa kanyang kalooban. At ano ang bagay na higit na pinagsisihan ni Pedro? Hindi pa natatagalan matapos sabihin ni Pedro na “Ikaw ang Anak ng buhay na Diyos,” nagpahayag ng isa pang tanong si Jesus kay Pedro (bagama’t hindi ito nakatala sa Bibliya sa ganitong paraan). Tinanong siya ni Jesus: “Pedro! Minahal mo na ba Ako kahit minsan?” Naunawaan ni Pedro ang ibig Niyang sabihin, at sinabi: “Panginoon! Minsa’y minahal ko ang Ama sa langit, ngunit inaamin ko hindi Kita minahal kailanman.” Pagkatapos ay sinabi ni Jesus: “Kung hindi minamahal ng mga tao ang Ama sa langit, paano nila mamahalin ang Anak sa lupa? At kung hindi minamahal ng mga tao ang Anak na isinugo ng Diyos Ama, paano nila mamahalin ang Ama sa langit? Kung tunay na minamahal ng mga tao ang Anak sa lupa, tunay nilang minamahal ang Ama sa langit.” Nang marinig ni Pedro ang mga salitang ito, natanto niya ang kanyang naging pagkukulang. Lagi siyang nagsisisi hanggang sa mapaluha siya sa kanyang mga salitang “Minsa’y minahal ko ang Ama sa langit, ngunit hindi Kita minahal kailanman.” Pagkaraang mabuhay na mag-uli at umakyat sa langit si Jesus, nakadama siya ng higit na pagsisisi at dalamhati sa mga salitang ito. Kapag naaalala niya ang kanyang nakaraang gawain at kasalukuyang tayog, madalas siyang nagdarasal kay Jesus, na laging nakadarama ng pagsisisi at pagkakautang dahil sa hindi niya natugunan ang kalooban ng Diyos at hindi siya umabot sa mga pamantayan ng Diyos. Ang mga isyung ito ang naging pinakamalaki niyang pasanin. Sabi niya: “Balang araw ilalaan ko sa Iyo ang lahat ng mayroon ako at lahat ng pagkatao ko, at ibibigay ko sa Iyo yaong pinakamahalaga.” Sabi niya: “Diyos ko! Iisa lamang ang aking pananampalataya at iisa lamang ang aking minamahal. Walang halaga ang aking buhay, at walang halaga ang aking katawan. Iisa lamang ang aking pananampalataya at iisa lamang ang aking minamahal. Sumasampalataya ako sa Iyo sa aking isipan at minamahal Kita sa puso ko; ang dalawang bagay na ito lamang ang tanging maibibigay ko sa Iyo at wala nang iba pa.” Lubhang lumakas ang loob ni Pedro sa mga salita ni Jesus, dahil bago ipinako si Jesus sa krus, nasabi Niya kay Pedro: “Hindi Ako nagmula sa mundong ito, at hindi ka rin nagmula sa mundong ito.” Kalaunan, nang makadama si Pedro ng matinding pasakit, pinaalalahanan siya ni Jesus: “Pedro, nalimutan mo na ba? Hindi Ako nagmula sa mundo, at lumisan lamang Ako nang mas maaga para sa Aking gawain. Hindi ka rin nagmula sa mundo, nalimutan mo na ba talaga? Dalawang beses Ko nang sinabi sa iyo, hindi mo ba natatandaan?” Nang marinig ito ni Pedro, sinabi niya: “Hindi ko pa nalilimutan!” Pagkatapos ay sinabi ni Jesus: “Minsan ka nang masayang nakipagtipon sa Akin sa langit at isang panahon sa Aking tabi. Nangungulila ka sa Akin, at nangungulila Ako sa iyo. Bagama’t hindi karapat-dapat na banggitin ang mga nilikha sa Aking mga mata, paanong hindi Ko mamahalin yaong walang-malay at kaibig-ibig? Nalimutan mo na ba ang Aking pangako? Kailangan mong tanggapin ang Aking tagubilin sa lupa; kailangan mong tuparin ang gawaing ipinagkatiwala Ko sa iyo. Balang araw tiyak na aakayin kita patungo sa Aking tabi.” Matapos itong marinig, mas lumakas ang loob ni Pedro at tinanggap ang mas malaki pang inspirasyon, nang sa gayon nang siya ay nasa krus, nasabi Niyang: “Diyos ko! Hindi ko magawang mahalin Ka nang sapat! Kahit hilingin Mong mamatay ako, hindi pa rin Kita maaaring mahalin nang sapat! Saan Mo man isugo ang aking kaluluwa, tuparin Mo man o hindi ang dati Mong mga pangako, anuman ang gawin Mo pagkatapos, mahal Kita at naniniwala ako sa Iyo.” Ang kanyang pinanghawakan ay ang kanyang pananampalataya, at tunay na pagmamahal.

Isang gabi, nasa bangkang pangisda ang ilan sa mga disipulo, pati na si Pedro, kasama si Jesus, at tinanong ni Pedro si Jesus ng isang walang kamuwang-muwang na bagay: “Panginoon! May itatanong ako sa Iyo na napakatagal ko nang gustong itanong.” Sumagot si Jesus: “Kung gayo’y pakitanong mo na!” Sa gayo’y nagtanong si Pedro: “Ikaw ba ang gumawa ng gawaing ginawa noong Kapanahunan ng Kautusan?” Ngumiti si Jesus, na para bang sinasabing: “Batang ito, walang kamuwang-muwang!” Pagkatapos ay nagpatuloy Siya nang may layunin: “Hindi iyon Akin. Ginawa iyon nina Jehova at Moises.” Narinig ito ni Pedro at ibinulalas niya: “Ah! Hindi pala Ikaw ang gumawa.” Nang sabihin ito ni Pedro, hindi na nagsalita si Jesus. Inisip ni Pedro sa kanyang sarili: “Hindi Ikaw ang gumawa niyon, kaya Ka pala naparito para sirain ang kautusan, dahil hindi Ikaw ang gumawa niyon.” Gumaan din ang kanyang puso. Pagkatapos, natanto ni Jesus na medyo walang-muwang si Pedro, ngunit dahil wala siyang pagkaunawa sa panahong iyon, wala nang iba pang sinabi si Jesus o hindi Niya tuwirang pinabulaanan ang kanyang sinabi. Minsa’y nangaral si Jesus sa isang sinagoga kung saan maraming tao ang naroon, pati na si Pedro. Sa Kanyang sermon, sinabi ni Jesus: “Siya na darating mula sa kawalang-hanggan hanggang sa kawalang-hanggan ang gagawa ng gawain ng pagtubos sa Kapanahunan ng Biyaya upang tubusin ang buong sangkatauhan mula sa kasalanan, ngunit hindi Siya mapipigilan ng anumang regulasyon sa pag-akay sa tao na lumaya sa kasalanan. Lalabas Siya ng kautusan at papasok sa Kapanahunan ng Biyaya. Tutubusin Niya ang buong sangkatauhan. Hahakbang Siya pasulong mula sa Kapanahunan ng Kautusan tungo sa Kapanahunan ng Biyaya, subalit walang sinumang nakakakilala sa Kanya, Siya na nagmula kay Jehova. Ang gawaing ginawa ni Moises ay ipinagkaloob ni Jehova; binalangkas ni Moises ang kautusan dahil sa gawaing nagawa ni Jehova.” Pagkasabi nito, nagpatuloy Siya: “Yaong mga magpapawalang-bisa sa mga kautusan ng Kapanahunan ng Biyaya sa Kapanahunan ng Biyaya ay daranas ng kalamidad. Kailangan silang tumayo sa templo at tumanggap ng pagwasak ng Diyos, at darating ang apoy sa kanila.” Nang marinig ang mga salitang ito, nagkaroon ito ng epekto kay Pedro, at sa buong panahon ng kanyang karanasan, inakay at sinuportahan ni Jesus si Pedro, na kinakausap siya nang masinsinan, na nagbigay kay Pedro ng medyo mas malinaw na pagkaunawa kay Jesus. Nang maalala ni Pedro ang ipinangaral ni Jesus noong araw na iyon at ang itinanong niya kay Jesus noong sila ay nasa bangkang pangisda, sa tugon na naibigay ni Jesus, pati na sa Kanyang pagngiti, sa wakas ay naunawaan ni Pedro ang lahat. Pagkatapos, niliwanagan ng Banal na Espiritu si Pedro, at noon lamang niya naunawaan na si Jesus ang Anak ng buhay na Diyos. Ang pag-unawa ni Pedro ay nagmula sa kaliwanagan ng Banal na Espiritu, ngunit may proseso sa kanyang pag-unawa. Sa pamamagitan ng pagtatanong, pakikinig sa pangaral ni Jesus, pagkatapos ay pagtanggap ng espesyal na pagbabahagi ni Jesus at sa Kanyang espesyal na pag-akay, natanto ni Pedro na si Jesus ang Anak ng buhay na Diyos. Hindi iyon nakamtan sa loob ng magdamag; iyon ay isang proseso, at naging tulong iyon sa kanya sa kanyang mga karanasan kalaunan. Bakit hindi ginawa ni Jesus ang gawaing gawing perpekto ang ibang mga tao, kundi si Pedro lamang? Dahil si Pedro lamang ang nakaunawa na si Jesus ang Anak ng buhay na Diyos; wala nang iba pang nakaalam nito. Bagama’t maraming disipulong maraming alam noong panahon nila sa pagsunod sa Kanya, mababaw ang kanilang kaalaman. Ito ang dahilan kaya pinili ni Jesus si Pedro bilang halimbawa ng magawang perpekto. Ang sinabi ni Jesus kay Pedro noon ay siyang sinasabi Niya sa mga tao ngayon, na ang kaalaman at pagpasok sa buhay ay kailangang umabot sa naabot ni Pedro. Gagawing perpekto ng Diyos ang lahat ng tao alinsunod sa kinakailangang ito at sa landas na ito. Bakit inuutusan ang mga tao ngayon na magkaroon ng tunay na pananampalataya at tunay na pagmamahal? Kailangan din ninyong maranasan ang naranasan ni Pedro; ang bungang natamo ni Pedro mula sa kanyang mga karanasan ay kailangan ding makita sa inyo; at kailangan din ninyong maranasan ang pasakit na dinanas ni Pedro. Ang landas na inyong tinatahak ay yaon ding tinahak ni Pedro. Ang pasakit na inyong dinaranas ay yaon ding pasakit na dinanas ni Pedro. Kapag tumanggap kayo ng kaluwalhatian at kapag isinabuhay ninyo ang tunay na buhay, isinasabuhay ninyo ang imahe ni Pedro. Ang landas ay pareho, at ginagawang perpekto ang isang tao sa pamamagitan ng pagtahak dito. Gayunman, ang inyong kakayahan ay tila kulang kumpara doon sa kay Pedro, sapagkat nagbago na ang mga panahon, at gayundin ang lawak ng katiwalian ng mga tao, at dahil ang Judea ay isang kaharian na may matagal at sinaunang kultura. Dahil dito, kailangan gawin ang lahat ng makakaya ninyo upang paghusayin ang inyong kakayahan.

Si Pedro ay isang napakatinong tao, matalino sa lahat ng ginagawa niya, at masyado rin siyang tapat. Nagdanas siya ng maraming kabiguan. Una niyang nakaugnayan ang lipunan sa edad na 14, kung kailan pumasok siya sa paaralan at nagpunta rin sa sinagoga. Napakasigasig niya at laging handang dumalo sa mga pulong. Sa panahong iyon, hindi pa opisyal na nasimulan ni Jesus ang Kanyang gawain; nagsisimula pa lamang noon ang Kapanahunan ng Biyaya. Nagsimula si Pedro na makaugnayan ang mga relihiyosong tao noong siya ay 14; pagsapit niya sa edad na 18, nakaugnayan niya ang mga kilalang relihiyoso, ngunit nang makita niya ang kaguluhan sa likod ng mga tagpong panrelihiyon, tinalikuran niya iyon. Nakikita kung gaano mapanlinlang, tuso, at mapagpakana ang mga taong ito, lubha siyang nainis (ganito gumawa ang Banal na Espiritu sa panahong iyon, para gawin siyang perpekto. Lalo Niya siyang inantig at gumawa Siya ng ilang espesyal na gawain sa kanya), kaya nga tumalikod siya mula sa sinagoga sa edad na 18. Inusig siya ng kanyang mga magulang at hindi siya hinayaang maniwala (sila ay mga diyablo at walang pananampalataya). Sa huli, nilisan ni Pedro ang kanilang tahanan at naglakbay sa lahat ng dako, na nangingisda at nangangaral sa loob ng dalawang taon, kung kailan inakay rin niya ang ilang tao. Ngayon ay dapat mo nang makita nang malinaw ang eksaktong landas na tinahak ni Pedro. Kung malinaw mong nakikita ang landas ni Pedro, makatitiyak ka sa gawaing ginagawa ngayon, para hindi ka magreklamo o magsawalang-kibo, o manabik sa anuman. Dapat mong maranasan ang pakiramdam ni Pedro sa panahong iyon: Labis siyang nalungkot; hindi na siya humiling ng kinabukasan o anumang mga pagpapala. Hindi siya naghangad na kumita, lumigaya, sumikat, o yumaman sa mundo; hinangad lamang niyang mamuhay ng pinaka-makabuluhang buhay, yaong masuklian ang pagmamahal ng Diyos at mailaan ang itinuring niyang pinakamahalaga sa Diyos. Sa gayon ay malulugod siya sa kanyang puso. Madalas siyang manalangin kay Jesus sa mga salitang: “Panginoong Jesucristo, minsan Kitang minahal, ngunit hindi Kita tunay na minahal. Bagama’t sinabi kong may pananampalataya ako sa Iyo, kailanma’y hindi Kita minahal nang taos-puso. Iginalang lamang Kita, sinamba Kita, at pinangulilahan Kita, ngunit hindi Kita minahal kailanman ni hindi ako talaga nagkaroon ng pananampalataya sa Iyo.” Palagi siyang nanalangin upang matibay siyang makapagpasiya, at palagi siyang nahikayat sa mga salita ni Jesus at naganyak siya mula sa mga iyon. Kalaunan, pagkaraan ng isang panahon ng karanasan, sinubok siya ni Jesus, na inuudyukan siyang manabik pang lalo sa Kanya. Sinabi niya: “Panginoong Jesucristo! Labis akong nangungulila sa Iyo, at nananabik akong masilayan Ka. Labis akong nagkukulang, at hindi ko matumbasan ang Iyong pagmamahal. Nagmamakaawa akong kunin Mo na ako kaagad. Kailan Mo ako kakailanganin? Kailan Mo ako kukunin? Kailan ko muling masisilayan ang Iyong mukha? Ayaw ko nang mabuhay sa katawang ito, upang patuloy na maging tiwali, ni hindi ko nais na maghimagsik pa. Handa akong ilaan sa Iyo ang lahat ng mayroon ako sa lalong madaling panahon, at ayaw kong palungkutin Ka pa.” Ganito siya nanalangin, ngunit hindi niya alam sa panahong ito kung ano ang gagawing perpekto ni Jesus sa kanya. Habang nahihirapan sa kanyang pagsubok, nagpakitang muli si Jesus sa kanya at sinabing: “Pedro, nais kong gawin kang perpekto, hanggang sa ikaw ay maging isang piraso ng bunga, na siyang bubuo sa Aking pagpeperpekto sa iyo, at siyang ikasisiya Ko. Maaari ka bang tunay na magpatotoo para sa Akin? Nagawa mo ba ang ipinagagawa Ko sa iyo? Naisabuhay mo ba ang mga salitang nasambit Ko? Minsan mo Akong minahal, ngunit kahit minahal mo Ako, naisabuhay mo ba Ako? Ano ang nagawa mo para sa Akin? Kinikilala mo na hindi ka karapat-dapat sa Aking pagmamahal, ngunit ano ang nagawa mo para sa Akin?” Nakita ni Pedro na wala siyang nagawa para kay Jesus at naalala niya ang dating sumpa na ibibigay niya ang kanyang buhay sa Diyos. Kaya nga, hindi na siya nagreklamo, at ang kanyang mga panalangin mula noon ay mas bumuti pa. Nanalangin siya, sinasabing: “Panginoong Jesucristo! Minsan Kitang tinalikuran, at minsan Mo rin akong tinalikuran. Gumugol tayo ng panahon na magkahiwalay, at ng panahon na magkasama. Subalit minahal Mo ako nang higit sa lahat. Paulit-ulit akong naghimagsik laban sa Iyo at paulit-ulit Kitang pinagdalamhati. Paano ko malilimutan ang gayong mga bagay? Lagi kong isinasaisip at hindi ko kinalilimutan ang gawaing nagawa mo sa akin at ang naipagkatiwala Mo sa akin. Nagawa ko ang lahat ng makakaya ko para sa gawaing nagawa Mo sa akin. Alam Mo kung ano ang kaya kong gawin, at alam Mo rin kung anong papel ang kaya kong gampanan. Nais kong magpasakop sa Iyong mga pagsasaayos, at ilalaan ko sa Iyo ang lahat ng mayroon ako. Ikaw lamang ang nakakaalam kung ano ang kaya kong gawin para sa Iyo. Bagama’t labis akong nilinlang ni Satanas at naghimagsik ako laban sa Iyo, naniniwala ako na hindi Mo ako inaalala sa mga paglabag na iyon at na hindi Mo ako tinatrato batay sa mga iyon. Nais kong ilaan ang buong buhay ko sa Iyo. Wala akong hinihiling, ni wala akong ibang mga inaasam o mga plano; nais ko lamang kumilos ayon sa Iyong layon at gawin ang Iyong kalooban. Iinom ako mula sa Iyong mapait na saro, at narito ako upang pag-utusan Mo.”

Kailangang maging malinaw sa inyo ang landas na inyong tinatahak; kailangang maging malinaw sa inyo ang landas na inyong tatahakin sa hinaharap, kung ano ang gagawing perpekto ng Diyos, at kung ano ang naipagkatiwala sa inyo. Balang araw, marahil, susubukin kayo, at pagdating ng panahong iyon, kung nakakuha kayo ng inspirasyon mula sa mga karanasan ni Pedro, ipapakita nito na talagang tumatahak kayo sa landas ni Pedro. Pinuri ng Diyos si Pedro sa kanyang tunay na pananampalataya at pagmamahal, at sa kanyang katapatan sa Diyos. At ginawa siyang perpekto ng Diyos dahil sa kanyang katapatan at taos-pusong pananabik sa Diyos. Kung totoong katulad ng kay Pedro ang taglay mong pagmamahal at pananampalataya, tiyak na gagawin kang perpekto ni Jesus.

Sinundan: Ang mga Nakakakilala Lamang sa Diyos ang Maaaring Magpatotoo sa Diyos

Sumunod: Ang mga Nagmamahal sa Diyos ay Mabubuhay Magpakailanman sa Kanyang Liwanag

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito