Kumusta ang Kaugnayan Mo sa Diyos?
Sa paniniwala sa Diyos, kahit paano ay kailangan mong lutasin ang isyu tungkol sa pagkakaroon ng isang normal na kaugnayan sa Diyos. Kung wala kang normal na kaugnayan sa Diyos, nawawalan ng kabuluhan ang iyong paniniwala sa Diyos. Ang pagtatatag ng isang normal na kaugnayan sa Diyos ay lubos na nakakamtan sa pagkakaroon ng pusong tahimik sa presensya ng Diyos. Ang pagkakaroon ng normal na kaugnayan sa Diyos ay nangangahulugan ng kakayahang hindi pagdudahan o tanggihan ang anuman sa Kanyang gawain at magpasakop sa Kanyang gawain. Nangangahulugan ito ng pagkakaroon ng mga tamang layunin sa presensya ng Diyos, hindi paggawa ng mga plano para sa sarili mo, at pagsasaalang-alang muna sa mga interes ng pamilya ng Diyos sa lahat ng bagay; nangangahulugan ito ng pagtanggap sa pagsusuri ng Diyos at pagsunod sa mga plano ng Diyos. Kailangan mong magawang patahimikin ang iyong puso sa presensya ng Diyos sa lahat ng iyong ginagawa. Kahit hindi mo nauunawaan ang kalooban ng Diyos, kailangan mo pa ring tuparin ang iyong mga tungkulin at responsibilidad sa abot ng iyong makakaya. Kapag nabunyag na sa iyo ang kalooban ng Diyos, kumilos ayon dito, at hindi na magiging huli ang lahat. Kapag naging normal ang iyong kaugnayan sa Diyos, magkakaroon ka rin ng normal na mga kaugnayan sa mga tao. Para magkaroon ng isang normal na kaugnayan sa Diyos, dapat maitatag ang lahat sa pundasyon ng mga salita ng Diyos, dapat magampanan mo ang iyong tungkulin alinsunod sa mga salita ng Diyos at sa kung ano ang hinihingi ng Diyos, dapat mong ituwid ang mga pananaw mo, at dapat mong hanapin ang katotohanan sa lahat ng bagay. Dapat mong isagawa ang katotohanan kapag nauunawaan mo ito, at kahit ano pang mangyari sa iyo, dapat kang manalangin sa Diyos at maghanap nang may sumusunod-sa-Diyos na puso. Sa pagsasagawa nang ganito, mapapanatili mo ang isang normal na kaugnayan sa Diyos. Kasabay ng pagganap mo nang maayos sa iyong tungkulin, dapat mo ring tiyakin na wala kang ginagawang anumang bagay na hindi kapaki-pakinabang sa pagpasok sa buhay ng mga hinirang ng Diyos, at wala kang sinasabi na hindi makakatulong sa mga kapatid. Kahit papaano man lang, dapat wala kang gawin na labag sa iyong konsensya at hinding-hindi ka dapat gumawa ng anumang bagay na nakakahiya. Hinding-hindi mo dapat gawin, lalong-lalo na, iyong pagrerebelde o paglaban sa Diyos, at hindi mo dapat gawin ang anumang bagay na nakakaabala sa gawain o buhay ng iglesia. Maging makatarungan at marangal sa lahat ng bagay na ginagawa mo at tiyakin na bawat kilos mo ay kaaya-aya sa harap ng Diyos. Bagama’t maaaring mahina ang laman kung minsan, kailangan mong magawang unahin ang mga interes ng pamilya ng Diyos, nang walang pag-iimbot para sa sarili mong kapakinabangan, nang walang ginagawang anumang bagay na makasarili o kasuklam-suklam, na madalas na pinagninilayan ang sarili. Sa ganitong paraan, magagawa mong madalas na mamuhay sa harap ng Diyos, at ang kaugnayan mo sa Diyos ay magiging normal na normal.
Sa lahat ng ginagawa mo, kailangan mong siyasatin kung ang iyong mga layunin ay tama. Kung nagagawa mong kumilos ayon sa mga kinakailangan ng Diyos, ang iyong kaugnayan sa Diyos ay normal. Ito ang pinakamababang pamantayan. Usisain mo ang iyong mga layunin, at kung malaman mo na nagkaroon ng mga maling layunin, talikuran mo ang mga ito at kumilos ka ayon sa mga salita ng Diyos; sa gayon ay magiging isa kang taong matuwid sa harap ng Diyos, na nagpapakita naman na ang iyong kaugnayan sa Diyos ay normal, at na lahat ng iyong ginagawa ay para sa kapakanan ng Diyos, hindi para sa iyong sariling kapakanan. Sa lahat ng iyong ginagawa at lahat ng iyong sinasabi, itama ang iyong puso at maging matuwid sa iyong mga kilos, at huwag patangay sa iyong mga damdamin, ni huwag kumilos ayon sa sarili mong kalooban. Ito ang mga prinsipyong kailangang sundin ng mga sumasampalataya sa Diyos sa kanilang pag-uugali. Ang maliliit na bagay ay maaaring ibunyag ang mga layunin at tayog ng isang tao, kaya nga, para makapasok ang isang tao sa landas ng pagpeperpekto ng Diyos, kailangan muna nilang ituwid ang kanilang mga layunin at ang kanilang kaugnayan sa Diyos. Kapag ang iyong kaugnayan sa Diyos ay normal, saka ka lamang Niya magagawang perpekto; saka lamang makakamtan ng pakikitungo, pagpupungos, pagdidisiplina, at pagpipino ng Diyos ang epektong nilayon ng mga ito sa iyo. Ibig sabihin, kung nagagawa ng mga tao na laging isapuso ang Diyos at hindi maghangad ng personal na pakinabang o isipin ang sarili nilang mga personal na inaasam (sa makamundong kahulugan), bagkus ay dalhin nila ang pasanin ng buhay pagpasok, gawin nila ang lahat upang patuloy na hangarin ang katotohanan, at magpasakop sila sa gawain ng Diyos—kung magagawa mo ito, ang mga layunin na patuloy mong pinagsisikapan ay magiging tama, at ang iyong kaugnayan sa Diyos ay magiging normal. Ang pagtatama sa kaugnayan ng isang tao sa Diyos ay maaaring tawaging unang hakbang sa pagpasok sa espirituwal na paglalakbay. Bagama’t ang kapalaran ng tao ay nasa mga kamay ng Diyos at itinatakda ng Diyos, at hindi mababago ng tao, maaari ka mang gawing perpekto ng Diyos o maangkin Niya ay nakasalalay sa kung normal ang iyong kaugnayan sa Diyos. Maaaring may mga bahagi kang mahina at masuwayin—ngunit basta’t tama ang iyong mga pananaw at iyong mga layunin, at basta’t tama at normal ang iyong kaugnayan sa Diyos, karapat-dapat kang gawing perpekto ng Diyos. Kung hindi tama ang kaugnayan mo sa Diyos, at kumikilos ka para sa kapakanan ng laman o ng iyong pamilya, gaano ka man magsikap sa trabaho, mawawalan iyon ng saysay. Kung ang iyong kaugnayan sa Diyos ay normal, lahat ng iba pa ay malalagay sa lugar. Wala nang ibang tinitingnan ang Diyos, kundi kung tama ang iyong mga pananaw sa iyong paniniwala sa Diyos: sino ang iyong pinaniniwalaan, para kaninong kapakanan ka naniniwala, at bakit ka naniniwala. Kung nagagawa mong makita nang malinaw ang mga bagay na ito at isinasagawa mo nang nasa tama ang iyong mga pananaw, susulong ka sa buhay mo, at garantisado ka ring makakapasok sa tamang landas. Kung hindi normal ang iyong kaugnayan sa Diyos, at lihis ang mga pananaw sa iyong paniniwala sa Diyos, walang-saysay ang lahat ng iba pa, at gaano katatag ka man naniniwala, wala kang mapapala. Matapos maging normal ang iyong kaugnayan sa Diyos, saka ka lamang magtatamo ng papuri mula sa Kanya kapag ikaw ay tumatalikod sa laman, nagdarasal, nagdurusa, nagtitiis, nagpapasakop, tumutulong sa iyong mga kapatid, gumugugol ng sarili mo nang higit pa para sa Diyos, at iba pa. May halaga at kabuluhan man ang ginagawa mo ay nakasalalay sa kung ang iyong mga layunin ay tama at kung ang iyong mga pananaw ay tama. Sa panahong ito, maraming taong naniniwala sa Diyos na para bang ikinikiling nila ang kanilang ulo para tumingin sa isang relo—ang kanilang mga pananaw ay baliko, at kailangang itama ang mga ito sa isang pambihirang tagumpay. Kung malutas ang problemang ito, magiging maayos ang lahat; kung hindi, lahat ay mawawalan ng saysay. Maayos ang kilos ng ilang tao sa Aking presensya, ngunit pagtalikod Ko, wala silang ibang ginagawa kundi labanan Ako. Ito ay isang pagpapamalas ng kabuktutan at panlilinlang, at ang ganitong uri ng tao ay isang lingkod ni Satanas; sila ang tipikal na sagisag ni Satanas, na dumating upang subukin ang Diyos. Ikaw ang angkop na tao kung nagagawa mo lamang na magpasakop sa Aking gawain at sa Aking mga salita. Basta’t nagagawa mong kainin at inumin ang mga salita ng Diyos; basta’t lahat ng ginagawa mo ay kaaya-aya sa harap ng Diyos at kumikilos ka nang makatarungan at marangal sa lahat ng iyong ginagawa; basta’t hindi ka gumagawa ng kahiya-hiyang mga bagay, o ng mga bagay na makapipinsala sa buhay ng iba; at basta’t nabubuhay ka sa liwanag at hindi mo tinutulutang pagsamantalahan ka ni Satanas, nasa wastong kaayusan ang iyong kaugnayan sa Diyos.
Sa paniniwala sa Diyos, kailangan mong ilagay sa wastong kaayusan ang iyong mga layunin at pananaw; kailangan kang magkaroon ng tamang pagkaunawa at tamang pagtrato sa mga salita ng Diyos at sa gawain ng Diyos, sa lahat ng sitwasyong isinasaayos ng Diyos, sa taong pinatototohanan ng Diyos, at sa praktikal na Diyos. Hindi ka dapat magsagawa ayon sa sarili mong mga ideya o magplano ng sarili mong mga hamak na pakana. Anuman ang gawin mo, kailangan mong magawang hangarin ang katotohanan at, sa iyong posisyon bilang isang nilikha, magpasakop sa buong gawain ng Diyos. Kung gusto mong patuloy na sikapin na magawang perpekto ng Diyos at makapasok sa tamang landas ng buhay, kailangang mabuhay palagi ang puso mo sa presensya ng Diyos. Huwag magpakasama, huwag sundan si Satanas, huwag bigyan si Satanas ng anumang mga pagkakataong isagawa ang gawain nito, at huwag hayaang kasangkapanin ka ni Satanas. Kailangan mong ibigay nang lubusan ang sarili mo sa Diyos at hayaang pamahalaan ka ng Diyos.
Handa ka bang maging lingkod ni Satanas? Handa ka bang pagsamantalahan ni Satanas? Naniniwala ka ba sa Diyos at patuloy mo ba Siyang sinusundan upang magawa ka Niyang perpekto, o upang ikaw ay maging isang panghambing para sa gawain ng Diyos? Mas gugustuhin mo ba ang isang makabuluhang buhay kung saan inaangkin ka ng Diyos, o ang isang walang-kuwenta at hungkag na buhay? Mas gusto mo bang kasangkapanin ka ng Diyos, o pagsamantalahan ni Satanas? Mas gusto mo bang hayaang mapuspos ka ng mga salita at katotohanan ng Diyos, o hayaang puspusin ka ng kasalanan at ni Satanas? Isiping mabuti ang mga bagay na ito. Sa iyong pang-araw-araw na buhay, kailangan mong maunawaan kung alin ang mga salitang sasabihin mo at ang mga bagay na maaaring magsanhi ng abnormalidad sa iyong kaugnayan sa Diyos, at pagkatapos ay ituwid ang iyong sarili at pumasok sa tamang paraan. Sa lahat ng pagkakataon, suriin ang iyong mga salita, ang iyong mga kilos, ang iyong bawat hakbang, at lahat ng iyong saloobin at ideya. Magtamo ng wastong pagkaunawa tungkol sa iyong tunay na kalagayan at pumasok sa landas ng gawain ng Banal na Espiritu. Ito lamang ang paraan para magkaroon ng normal na kaugnayan sa Diyos. Sa pagsusuri kung normal ang iyong kaugnayan sa Diyos, magagawa mong itama ang iyong mga layunin, maunawaan ang kalikasang diwa ng tao, at tunay na maunawaan ang iyong sarili, at, sa paggawa nito, magagawa mong makapasok sa mga tunay na karanasan, talikdan ang iyong sarili sa isang tunay na paraan, at sadyaing magpasakop. Habang dinaranas mo ang mga bagay na ito tungkol sa kung ang iyong kaugnayan sa Diyos ay normal o hindi, makakahanap ka ng mga pagkakataong magawang perpekto ng Diyos at magagawa mong maunawaan ang maraming kalagayan ng Banal na Espiritu. Magagawa mo ring makita ang marami sa mga panloloko ni Satanas at matalos ang mga pakikipagsabwatan nito. Ang landas na ito lamang ang humahantong sa pagpeperpekto ng Diyos. Itama mo ang iyong kaugnayan sa Diyos, upang makapagpasakop ka nang lubusan sa Kanyang mga plano, at makapasok ka nang mas malalim sa tunay na karanasan at makatanggap ng mas marami pang gawain ng Banal na Espiritu. Kapag isinagawa mo ang pagkakaroon ng isang normal na kaugnayan sa Diyos, kadalasan, magtatagumpay ka sa pamamagitan ng pagtalikod sa laman at tunay na pakikipagtulungan sa Diyos. Dapat mong maunawaan na “kung wala ang pusong nakikipagtulungan, mahirap tanggapin ang gawain ng Diyos; kung hindi nagdurusa ang laman, walang mga pagpapala mula sa Diyos; kung hindi nagpupunyagi ang espiritu, hindi mapapahiya si Satanas.” Kung isinasagawa mo ang mga prinsipyong ito at lubos mong nauunawaan ang mga ito, maitatama ang mga pananaw ng iyong paniniwala sa Diyos. Sa inyong kasalukuyang pagsasagawa, kailangan ninyong alisin sa inyong isipan ang pananaw na “lahat ay ginagawa ng Banal na Espiritu at hindi nagagawang makialam ng mga tao.” Iniisip ng lahat ng nagsasabi nito, “Magagawa ng mga tao ang anumang nais nila, at pagdating ng panahon, gagawin ng Banal na Espiritu ang Kanyang gawain. Hindi na kailangang pigilan ng mga tao ang laman o makipagtulungan; ang mahalaga ay maantig sila ng Banal na Espiritu.” Ang mga opinyong ito ay kakatwang lahat. Sa ilalim ng gayong sitwasyon, hindi nakakagawa ang Banal na Espiritu. Ito ang uri ng pananaw na lubos na nakakahadlang sa gawain ng Banal na Espiritu. Kadalasan, ang gawain ng Banal na Espiritu ay natatamo sa pamamagitan ng pagtutulungan ng mga tao. Yaong mga hindi nakikipagtulungan at walang matibay na pagpapasiya, subalit nais magtamo ng pagbabago sa kanilang disposisyon at tumanggap ng gawain ng Banal na Espiritu at ng kaliwanagan at pagpapalinaw mula sa Diyos, ay talagang maluho ang mga saloobin. Ito ay tinatawag na “pagpapaluho sa sarili at pagpapatawad kay Satanas.” Ang gayong mga tao ay walang normal na kaugnayan sa Diyos. Dapat kang makakita ng maraming pagbubunyag at pagpapakita ng napakasamang disposisyon sa iyong kalooban at makakita ng anumang mga pagsasagawa mo na salungat sa mga kinakailangan ng Diyos ngayon. Magagawa mo na bang talikdan si Satanas ngayon? Dapat kang magtamo ng normal na kaugnayan sa Diyos, kumilos alinsunod sa mga layunin ng Diyos, at maging isang bagong tao na may bagong buhay. Huwag mong palaging isipin ang mga dating paglabag; huwag kang masyadong malungkot; manindigan at makipagtulungan sa Diyos, at tuparin ang mga tungkuling dapat mong gampanan. Sa ganitong paraan, ang iyong kaugnayan sa Diyos ay magiging normal.
Kung sinasabi mo lamang, matapos basahin ito, na tinatanggap mo ang mga salitang ito, subalit hindi pa rin naaantig ang iyong puso, at hindi ka naghahangad na gawing normal ang iyong kaugnayan sa Diyos, pinatutunayan nito na hindi mo pinahahalagahan ang iyong kaugnayan sa Diyos. Pinatutunayan nito na ang iyong mga pananaw ay hindi pa naitatama, na ang iyong mga layunin ay hindi pa nakatalagang makamit ng Diyos at dulutan Siya ng kaluwalhatian, kundi sa halip ay nakatalagang tulutang manaig ang mga pakikipagsabwatan ni Satanas at makamit ang sarili mong mga layunin. Ang gayong mga tao ay nagkikimkim ng mga maling layunin at pananaw. Anuman ang sinasabi ng Diyos o kung paano man Niya ito sinasabi, nananatiling lubos na walang interes at ni hindi nagbabago ang gayong mga tao. Hindi nakadarama ng anumang takot ang kanilang puso at hindi sila nahihiya. Ang ganitong uri ng tao ay isang walang-kaluluwang mangmang. Basahin ang bawat pahayag ng Diyos at isagawa ang mga ito sa sandaling maunawaan mo ang mga ito. Marahil ay may mga pagkakataon na mahina ang iyong laman, o naging suwail ka, o lumaban ka; paano ka man kumilos noong araw, maliit na bagay lamang iyan, at hindi nito mahahadlangan ang paglago ng iyong buhay ngayon. Basta’t maaari kang magkaroon ng normal na kaugnayan sa Diyos ngayon, may pag-asa. Kung may pagbabago sa iyo tuwing babasahin mo ang mga salita ng Diyos, at masasabi ng iba na naging mas mabuti na ang iyong buhay, ipinakikita nito na normal na ang iyong kaugnayan sa Diyos, na naitama na ito. Hindi tinatrato ng Diyos ang mga tao ayon sa kanilang mga paglabag. Kapag nakaunawa ka na at nagkaroon ng kamalayan, basta’t makakatigil ka sa pagsuway o paglaban, mahahabag pa rin ang Diyos sa iyo. Kung taglay mo ang pagkaunawa at matibay na pagpapasiya na patuloy na hangaring magawang perpekto ng Diyos, magiging normal ang iyong kalagayan sa presensya ng Diyos. Anuman ang iyong ginagawa, isaalang-alang ang mga sumusunod habang ginagawa mo ito: Ano ang iisipin ng Diyos kapag ginawa ko ito? Makikinabang ba rito ang aking mga kapatid? Magiging kapaki-pakinabang ba ito sa gawain ng tahanan ng Diyos? Sa pagdarasal man, sa pagbabahagi, sa pananalita, sa gawain, o sa pakikisalamuha sa iba, suriin ang iyong mga layunin, at tingnan kung normal ang iyong kaugnayan sa Diyos. Kung hindi mo mahiwatigan ang sarili mong mga layunin at saloobin, ibig sabihin ay wala kang pagtatangi, na nagpapatunay na kakaunting katotohanan lamang ang iyong nauunawaan. Kung nagagawa mong maunawaan nang malinaw ang lahat ng ginagawa ng Diyos, at nahihiwatigan mo ang mga bagay-bagay alinsunod sa Kanyang mga salita, pumapanig sa Kanya, magiging tama na ang iyong mga pananaw. Samakatuwid, ang pagtatatag ng mabuting kaugnayan sa Diyos ang pinakamahalaga sa sinumang naniniwala sa Diyos; dapat itong tratuhin ng lahat bilang isang gawaing napakahalaga at napakalaking kaganapan sa kanilang buhay. Lahat ng iyong ginagawa ay nasusukat sa kung ikaw ay may normal na kaugnayan sa Diyos. Kung normal ang iyong kaugnayan sa Diyos at tama ang iyong mga layunin, kumilos. Para mapanatili ang normal na kaugnayan sa Diyos, huwag kang matakot na makaranas ng mga kawalan sa iyong mga personal na interes; hindi mo maaaring tulutang manaig si Satanas, hindi mo maaaring tulutan si Satanas na maangkin ka, at hindi mo maaaring tulutan si Satanas na gawin kang katawa-tawa. Ang pagkakaroon ng gayong mga layunin ay isang tanda na ang iyong kaugnayan sa Diyos ay normal—hindi para sa kapakanan ng laman, kundi para sa kapayapaan ng espiritu, ito ay para matamo ang gawain ng Banal na Espiritu, at para mapalugod ang kalooban ng Diyos. Para makapasok sa tamang kalagayan, kailangan mong magtatag ng mabuting kaugnayan sa Diyos at itama ang iyong mga pananaw tungkol sa iyong paniniwala sa Diyos. Ito ay upang maangkin ka ng Diyos, at upang maipakita Niya ang mga bunga ng Kanyang mga salita sa iyo at liwanagan at pagliwanagin ka pa. Sa ganitong paraan, makakapasok ka na sa tamang paraan. Patuloy na kumain at uminom ng mga salita ng Diyos sa ngayon, pumasok sa kasalukuyang paraan ng paggawa ng Banal na Espiritu, kumilos ayon sa mga kinakailangan ng Diyos sa ngayon, huwag sundin ang makalumang mga pamamaraan ng pagsasagawa, huwag kumapit sa dating mga paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay, at pumasok sa kasalukuyang paraan ng paggawa sa lalong madaling panahon. Sa gayon, ang iyong kaugnayan sa Diyos ay magiging ganap na normal at makakapasok ka na sa tamang landas ng paniniwala sa Diyos.