Magtuon ng Higit na Pansin sa Realidad
Ang bawat tao ay posibleng gawing perpekto ng Diyos, kaya dapat maunawaan ng bawat isa kung anong paglilingkod sa Diyos ang pinakaangkop sa Kanyang mga layunin. Hindi alam ng karamihan sa mga tao kung ano ang kahulugan ng maniwala sa Diyos, at hindi rin nila nauunawaan kung bakit dapat silang maniwala sa Kanya—ibig sabihin nito, karamihan sa mga tao ay walang pagkaunawa sa gawain ng Diyos o sa layunin ng plano ng pamamahala ng Diyos. Sa kasalukuyan, iniisip pa rin ng karamihan sa mga tao na ang paniniwala sa Diyos ay tungkol sa pagpunta sa langit at sa kaligtasan ng kanilang mga kaluluwa. Wala silang ideya tungkol sa mismong kabuluhan ng paniniwala sa Diyos, at higit pa rito, wala silang anumang pagkaunawa tungkol sa pinakamahalagang gawain sa plano ng pamamahala ng Diyos. Dahil sa iba’t ibang mga personal na dahilan, ang mga tao ay sadyang walang interes sa gawain ng Diyos, at hindi rin nila iniisip ang Kanyang mga layunin o ang Kanyang plano ng pamamahala. Bilang isang indibidwal sa agos na ito, dapat malaman ng bawat tao kung ano ang layunin ng kabuuang plano ng pamamahala ng Diyos, ang mga katotohanang matagal na Niyang tinupad, bakit pinili Niya ang grupong ito ng mga tao, kung ano ang layunin at kahalagahan ng pagpili Niya sa kanila, at kung ano ang nais Niyang matamo sa grupong ito. Upang makapagtatag ang Diyos ng ganitong grupo ng mga hindi kapansin-pansing tao sa bansa ng malaking pulang dragon, at makapagpatuloy ng Kanyang gawain hanggang sa ngayon, sinusubukan at ginagawa silang perpekto sa lahat ng uri ng mga paraan, nangungusap ng hindi mabilang na mga salita, nagsasagawa ng maraming gawain, at nagpapadala ng napakaraming mga kagamitang naglilingkod—ang paggawa ng Diyos ng ganitong kahanga-hangang gawain nang mag-isa ay nagpapakita kung gaano kahalaga ang Kanyang gawain. Sa ngayon, wala pa kayong kakayahan na lubos itong mapahalagahan. Kaya huwag ninyong ituring ang gawain na ginawa sa inyo ng Diyos bilang isang bagay na walang halaga; hindi ito isang maliit na bagay. Maging ang ipinakita sa inyo ng Diyos sa kasalukuyan ay sapat na upang subukan ninyong unawain ito nang malalim at alamin. Kapag tunay at ganap na ninyo itong nauunawaan, saka lamang lalalim ang inyong mga karanasan at lalago ang inyong buhay. Ang nauunawaan ng mga tao at ginagawa sa ngayon ay talagang napakakaunti; wala silang kakayahan na lubos na isakatuparan ang mga layunin ng Diyos. Ito ang kakulangan ng tao at ang kanilang kabiguan sa pagtupad ng kanilang tungkulin, at dahil dito, hindi nila kayang makamit ang resulta na nais nilang matamo. Ang Banal na Espiritu ay hindi nakakakilos sa maraming tao sapagkat mayroon silang mababaw na pagkaunawa sa gawain ng Diyos, at hindi handang ituring ang gawain ng tahanan ng Diyos bilang isang bagay na mahalaga kapag ito ay kanilang ginagawa. Lagi silang sumusunod sa agos para lamang makaraos, o kaya ay sumusunod sila sa karamihan, o kumikilos lamang upang magpasikat. Sa kasalukuyan, dapat maalala ng bawat tao sa agos na ito kung nagawa na niya ang lahat ng kanyang makakaya sa kanyang kilos at gawa, at kung naibuhos na niya ang lahat ng kanyang pagsisikap. Ang mga tao ay lubos na nabigong tuparin ang kanilang mga tungkulin, hindi dahil sa hindi ginagawa ng Banal na Espiritu ang Kanyang gawain kundi dahil hindi ginagawa ng mga tao ang dapat nilang gawin, at dahil dito nagiging imposible para sa Banal na Espiritu na gawin ang Kanyang gawain. Wala nang masabi ang Diyos, ngunit ang mga tao ay hindi pa rin makasunod, masyado na silang napag-iwanan, hindi nila kayang sumabay sa bawat hakbang, at hindi nila kayang sundan nang malapitan ang mga yapak ng Cordero. Kung ano ang dapat nilang sundin ay hindi nila sinunod; kung ano ang dapat nilang gawin ay hindi nila ginawa; kung ano ang dapat nilang ipanalangin ay hindi nila ipinanalangin; kung ano ang dapat nilang isantabi ay hindi nila isinantabi. Hindi nila ginawa ang alinman sa mga bagay na ito. Dahil dito, ang usapan tungkol sa pagdalo sa piging ay walang saysay; ito ay walang tunay na kahulugan, at bahagi lamang ng kanilang imahinasyon. Maaaring sabihin na kung titingnan sa kasalukuyan, hindi naman binitawan ng mga tao ang kanilang tungkulin. Ang lahat ay nakasalalay sa paggawa at pagsasalita ng Diyos Mismo. Ang ginagampanan ng tao ay lubhang maliit; ang mga tao ay walang kabuluhang basura na walang kakayahang makipagtulungan sa Diyos. Ang Diyos ay nagsabi ng daan-daang libong mga salita, ngunit hindi isinagawa ng mga tao ang anuman sa mga ito—maging ito man ay pagtalikod sa laman, pagbasura sa mga kuru-kuro, pagsasagawa ng pagsunod sa Diyos sa lahat ng bagay habang nagkakaroon ng kakayahang kumilala at magkaroon ng kaalaman, hindi pagbibigay sa mga tao ng puwang sa kanilang puso, pag-aalis sa mga diyos-diyosan sa kanilang puso, paghihimagsik laban sa kanilang mga maling intensiyon, hindi pagkilos batay sa kanilang mga damdamin, paggawa sa mga bagay nang patas at walang kinikilingan, higit na pag-iisip tungkol sa mga interes ng Diyos at sa kanilang impluwensiya sa iba sa tuwing sila ay nagsasalita, paggawa ng mas maraming bagay para sa kapakanan ng gawain ng Diyos, pagsasaisip ng kapakanan ng tahanan ng Diyos sa lahat ng kanilang ginagawa, hindi pagpapahintulot sa kanilang mga damdamin na pamunuan ang kanilang pag-uugali, pagbabasura sa anumang nagugustuhan ng kanilang laman, pagwawaksi sa mga luma at makasariling mga kuru-kuro, at iba pa. Nauunawaan naman nila ang ilan sa lahat ng hinihingi ng Diyos sa tao, ngunit hindi lamang nila gustong isagawa ang mga ito. Ano pa ang magagawa ng Diyos at paano pa Niya sila mapapakilos? Paano nagagawa ng mga anak ng rebelyon sa mga mata ng Diyos na magkaroon pa rin ng lakas ng loob na makinig sa mga salita ng Diyos at hangaan ang mga ito? Paano sila nagkakaroon ng lakas ng loob na kainin ang pagkain ng Diyos? Nasaan ang konsensya ng mga tao? Hindi pa nila natutupad kahit man lamang ang pinakamababa sa mga tungkulin na dapat nilang tuparin, wala pa rito ang paggawa ng lahat ng kanilang makakaya. Hindi ba’t sila ay nabubuhay sa isang ilusyon? Walang magiging pag-uusap tungkol sa realidad kung walang pagsasagawa. Ito ay isang katotohanan na kasing linaw ng araw!
Dapat ay pinag-aaralan na ninyo ang mas makatotohanang mga aralin. Hindi kinakailangan ang mga mabulaklak na walang kabuluhang pananalita na hinahangaan ng mga tao. Pagdating sa pagsasalita tungkol sa kaalaman, ang bawat tao ay mas nakatataas kaysa sa nauna sa kanya, ngunit wala pa rin silang landas sa pagsasagawa. Gaano karaming tao ang nakaiintindi sa mga prinsipyo ng pagsasagawa? Gaano karami ang natuto ng mga tunay na aral? Sino ang makikipagbahagian tungkol sa realidad? Ang makapagsalita tungkol sa kaalaman sa mga salita ng Diyos ay hindi nangangahulugan na ikaw ay nagtataglay ng tunay na tayog; ipinakikita lamang nito na ikaw ay isinilang na matalino at likas na magaling. Wala pa rin itong saysay kung hindi mo maituturo ang daan, at ikaw ay magiging isang walang kabuluhang basura! Hindi ka ba nagpapanggap kung wala kang masasabi tungkol sa isang tunay na landas sa pagsasagawa? Hindi ka ba nagkukunwari kung hindi mo maiaalok ang iyong sariling mga karanasan sa iba, upang sa gayon ay mabigyan mo sila ng mga aral na maaari nilang matutunan o isang landas na maaari nilang sundan? Hindi ka ba mapanlinlang? Anong halaga ang taglay mo? Magagampanan lamang ng ganitong tao ang bahagi ng “imbentor ng teorya ng sosyalismo,” hindi ang “tagaambag sa pagpapairal ng sosyalismo.” Ang hindi pagkakaroon ng realidad ay hindi pagkakaroon ng katotohanan. Ang hindi pagkakaroon ng realidad ay pagiging walang silbi. Ang hindi pagkakaroon ng realidad ay pagiging isang bangkay na naglalakad. Ang hindi pagkakaroon ng realidad ay pagiging isang “Marxist-Leninist na palaisip,” na walang tinutukoy na halaga. Hinihimok Ko kayo na manahimik tungkol sa mga teorya at magsalita tungkol sa isang bagay na totoo, isang bagay na tunay at mahalaga; pag-aralan ang ilang “makabagong sining,” magsabi ng isang bagay na makatotohanan, mag-ambag ng isang bagay na totoo, at magkaroon ng espiritu ng dedikasyon. Harapin ang realidad kapag ikaw ay nagsasalita; huwag makibahagi sa di-makatotohanan at labis na pagsasalita upang paligayahin ang mga tao o umupo at pansinin ka. Nasaan ang halaga dito? Ano ang saysay ng paghikayat sa mga tao na maging magiliw sa iyo? Maging mas “masining” pa nang kaunti sa iyong pananalita, maging mas patas pa nang kaunti sa iyong pagkilos, maging mas makatwiran pa nang kaunti sa pangangasiwa mo sa mga bagay-bagay, maging mas praktikal pa nang kaunti sa iyong pananalita, isipin ang pagbibigay ng pakinabang sa tahanan ng Diyos sa iyong bawat kilos, makinig sa iyong konsensya tuwing ikaw ay nagiging emosyonal, huwag tumbasan ang kagandahang-loob ng pagkasuklam, o maging di-mapagpasalamat sa kagandahang loob, at huwag maging isang ipokrito, kundi baka ikaw ay maging isang masamang impluwensiya. Kapag kinakain mo at iniinom ang mga salita ng Diyos, mas iugnay mo ang mga ito sa realidad, at kapag ikaw ay nakikipagbahagian, mas magsalita tungkol sa makatotohanang mga bagay. Huwag maging mapanghamak; hindi ito nakapagbibigay-kasiyahan sa Diyos. Sa mga pakikihalubilo mo sa iba, maging mas mapagparaya pa nang kaunti, mas mapagbigay pa nang kaunti, mas marangal pa nang kaunti, at matuto mula sa “espiritu ng punong ministro.”[a] Kapag mayroon kang mga naiisip na hindi maganda, lalo pang isagawa ang pagtalikod sa laman. Kapag ikaw ay nagtatrabaho, mas magsalita ka tungkol sa makatotohanang mga landas, at huwag kang masyadong maging mataas, kung hindi, ang mga sinasabi mo ay hindi maaabot ng mga tao. Mas kaunting kagalakan, mas maraming ambag—ipakita ang iyong hindi makasariling espiritu ng dedikasyon. Mas isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos, mas makinig sa iyong konsensya, maging mas maingat, at huwag kalimutan kung paano nakikipag-usap nang matiyaga at matapat sa inyo ang Diyos araw-araw. Basahin ang “lumang almanak” nang mas madalas. Manalangin nang mas madalas at makipagbahagian nang mas madalas. Huwag magpatuloy sa kalituhan; magpakita ng katinuan at dagdagan ang kaalaman. Kapag lumalabas ang iyong makasalanang kamay, hilahin mo ito pabalik; huwag itong hayaang maka-abot nang malayo. Wala itong pakinabang, at ang makukuha ninyo mula sa Diyos ay walang iba kundi mga sumpa, kaya maging maingat. Hayaan ninyong mahabag ang inyong puso sa iba at huwag palaging sumalakay na may hawak na mga sandata. Mas makipagbahagian tungkol sa kaalaman ng katotohanan at mas magsalita tungkol sa buhay, habang pinananatili ang espiritu ng pagtulong sa iba. Gumawa ng mas marami at magsalita nang mas kaunti. Mas maglaan sa pagsasagawa at bawasan ang pananaliksik at pagsusuri. Hayaang mas antigin kayo ng Banal na Espiritu, at bigyan ang Diyos ng mas maraming mga pagkakataon upang gawin kayong perpekto. Alisin ang mas maraming elemento ng tao; taglay mo pa rin ang napakaraming pamamaraan ng tao sa paggawa ng mga bagay, at ang iyong mababaw na paraan ng paggawa ng mga bagay at pag-uugali ay kasuklam-suklam pa rin sa iba: Alisin mo pa ang mas marami sa mga ito. Ang kalagayan ng iyong pag-iisip ay masyadong kasuklam-suklam pa rin; maglaan ng mas maraming oras upang baguhin ito. Binibigyan mo pa rin ang mga tao ng labis na katayuan; magbigay ng mas maraming katayuan sa Diyos at huwag maging di-makatwiran. Ang “templo” ay laging nasa pagmamay-ari ng Diyos at hindi dapat sakupin ng mga tao. Sa madaling salita, magtuon ng mas malaking pansin sa pagiging matuwid at bawasan ang pagtutuon sa mga nararamdaman. Pinakamainam na iwaksi ang laman. Mas magsalita tungkol sa realidad at bawasan ang pagsasalita tungkol sa kaalaman. Ang pinakamainam ay ang maging tahimik at huwag magsalita. Mas magsalita tungkol sa landas ng pagsasagawa, at bawasan ang walang kabuluhang pagyayabang. Pinakamainam na simulan ang pagsasagawa nito ngayon.
Ang hinihingi ng Diyos sa mga tao ay hindi ganoon katayog. Hangga’t masipag at taos-pusong nagsasagawa ang mga tao, tatanggap sila ng “pasadong marka.” Ang totoo, mas kumplikado pa ang pagtatamo ng pagkaunawa, kaalaman, at pagkaintindi sa katotohanan kaysa sa pagsasagawa ng katotohanan. Isagawa mo muna ang sa abot ng nauunawaan mo at isagawa kung anong naintindihan mo. Sa ganitong paraan, magagawa mong unti-unting makamit ang tunay na kaalaman at pagkaintindi sa katotohanan. Ito ang mga hakbang at kaparaanan kung paano gumagawa ang Banal na Espiritu. Kung hindi mo isasagawa ang pagsunod sa ganitong paraan, wala kang makakamit. Kung lagi kang kumikilos ayon sa sarili mong kagustuhan, at hindi isinasagawa ang pagsunod, gagawa ba ang Banal na Espiritu sa loob mo? Gumagawa ba ang Banal na Espiritu ayon sa gusto mo? O gumagawa ba Siya ayon sa kung ano ang kulang sa iyo, at batay sa mga salita ng Diyos? Kung hindi ito malinaw sa iyo, hindi ka makakapasok sa katotohanang realidad. Bakit ba labis na nagsisikap ang karamihan sa mga tao sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, ngunit nagkamit lamang ng kaalaman at walang masabing anuman tungkol sa isang tunay na landas pagkatapos? Sa palagay mo, ang pagkakaroon ba ng kaalaman ay nangangahulugan ng pagkakaroon ng katotohanan? Hindi ba ito isang magulong pananaw? Nagagawa mong magsabi ng kaalaman na kasingdami ng buhangin sa dalampasigan, subalit wala sa mga ito ang nagtataglay ng anumang tunay na landas. Hindi ka ba nagtatangkang linlangin ang mga tao sa pamamagitan ng paggawa nito? Hindi ka ba gumagawa ng isang walang kabuluhang palabas na walang anumang diwang sumusuporta rito? Ang lahat ng ganitong pag-uugali ay nakapipinsala sa mga tao! Kapag mas mataas ang teorya at mas walang katotohanan, mas walang kakayahan ito na dalhin ang mga tao sa realidad. Kapag mas mataas ang teorya, mas ginagawa ka nitong suwail at salungat sa Diyos. Huwag mong tangkilikin ang espirituwal na teorya—wala itong kabuluhan! Pinag-uusapan ng ilang tao ang tungkol sa espirituwal na teorya sa loob ng mga dekada, at sila’y naging mga bigatin sa larangan ng pagiging espirituwal, subalit sa huli, bigo pa rin silang makapasok sa katotohanang realidad. Dahil hindi nila isinagawa o naranasan ang mga salita ng Diyos, wala silang mga prinsipyo o landas sa pagsasagawa. Walang katotohanang realidad ang mga taong kagaya nito, kaya paano nila maaakay ang ibang tao sa tamang landas ng pananampalataya sa Diyos? Ang kaya lamang nila ay iligaw ang mga tao. Hindi ba ito pagpinsala sa iba at sa kanilang sarili? Kahit papaano man lang, dapat magawa mong lutasin ang mga totoong problema na nasa harapan mo mismo. Ibig sabihin, dapat magawa mong isagawa at maranasan ang mga salita ng Diyos, at maisagawa ang katotohanan. Ito lamang ang pagsunod sa Diyos. Magiging kwalipikado ka lamang magtrabaho para sa Diyos kapag mayroon ka nang buhay pagpasok, at sasang-ayunan ka lamang ng Diyos kapag taos-puso kang gumugol para sa Diyos. Huwag kang laging magbitiw ng matatayog na salita at magsalita ng mabulaklak na teorya; hindi ito totoo. Ang pagmamarunong sa espirituwal na teorya para hangaan ka ng mga tao ay hindi pagpapatotoo sa Diyos, kundi pagpapakitang-gilas. Hinding-hindi ito kapaki-pakinabang sa mga tao at hindi nakapagpapatibay sa kanila, at madali silang maibubuyo nito para sumamba sa espirituwal na teorya at hindi tumuon sa pagsasagawa ng katotohanan—at hindi ba ito pagliligaw sa mga tao? Kung magpapatuloy nang ganito, lilitaw ang napakaraming walang kabuluhang teorya at tuntunin na pipigil at sisilo sa mga tao; ito’y tunay na pasakit. Kaya lalong magsabi ng totoo, magsalita pa tungkol sa mga problemang talagang umiiral, gumugol pa ng mas maraming oras sa paghahanap ng katotohanan para malutas ang mga totoong problema; ito ang pinakamahalaga. Huwag ipagpaliban na matutong isagawa ang katotohanan: Ito ang landas sa pagpasok sa realidad. Huwag mong angkinin bilang sarili mong pribadong pag-aari ang karanasan at kaalaman ng ibang tao at huwag ipagmalaki ang mga ito upang hangaan ng iba. Dapat magkaroon ka ng sarili mong buhay pagpasok. Sa pamamagitan lamang ng pagsasagawa ng katotohanan at pagsunod sa Diyos ka magkakaroon ng pagpasok sa buhay. Ito ang dapat isinasagawa at pinagtutuunan ng bawat tao.
Kung ang iyong pakikipagbahagian ay makapagbibigay sa mga tao ng isang landas na susundan, ito ay nangangahulugan ng pagkakaroon ng realidad. Anuman ang iyong sasabihin, dapat mong madala ang mga tao sa pagsasagawa at mabigyan silang lahat ng isang landas na susundan. Huwag mo silang pahintulutang magkaroon lamang ng kaalaman; ang mas mahalaga ay ang pagkakaroon ng landas na maaaring tahakin. Upang ang mga tao ay maniwala sa Diyos, dapat nilang tahakin ang landas na pinangungunahan ng Diyos sa Kanyang gawain. Ibig sabihin, ang proseso ng paniniwala sa Diyos ay ang proseso ng pagtahak sa landas na pinangungunahan ng Banal na Espiritu. Alinsunod dito, dapat kang magkaroon ng isang landas na tatahakin mo anuman ang mangyari, at dapat kang tumapak sa landas kung saan ay gagawin kang perpekto ng Diyos. Huwag kang masyadong magpahuli, at huwag mong alalahanin ang napakaraming bagay. Matatanggap mo lamang ang gawain ng Banal na Espiritu at makakamit ang daan papasok kung tatahakin mo ang landas na pinangungunahan ng Diyos nang walang pagkagambala. Ito lamang ang maituturing na naaayon sa mga layunin ng Diyos at sa pagsasakatuparan sa tungkulin ng sangkatauhan. Bilang isang indibidwal sa agos na ito, dapat tuparin nang maayos ng bawat tao ang kanilang tungkulin, mas gawin pa kung ano ang dapat na ginagawa ng mga tao, at huwag kumilos ayon sa kanilang kagustuhan. Dapat gawing malinaw ng mga taong nagpapatupad ng gawain ang kanilang mga salita, dapat na lalong pagtuunan ng mga taong sumusunod ang pagtitiis sa oras ng paghihirap at ang pagsunod, at ang lahat ay dapat na manatili sa kanilang lugar at huwag kumilos nang hindi nararapat. Dapat na maging malinaw sa puso ng bawat tao kung paano sila dapat magsagawa at kung anong tungkulin ang dapat nilang tuparin. Tahakin ang landas na pinangungunahan ng Banal na Espiritu; huwag maliligaw o magkakamali. Dapat ninyong makita nang malinaw ang gawain sa kasalukuyan. Ang pagpasok sa pamamaraan ng gawain sa kasalukuyan ang siyang dapat ninyong isagawa. Ito ang unang bagay na dapat ninyong pasukin. Huwag nang magsayang pa ng anumang mga salita sa ibang mga bagay. Ang paggawa sa gawain ng tahanan ng Diyos sa kasalukuyan ay inyong pananagutan, ang pagpasok sa pamamaraan ng gawain sa kasalukuyan ay inyong tungkulin, at ang pagsasagawa sa katotohanan sa kasalukuyan ay inyong pasanin.
Talababa:
a. Ang espiritu ng punong ministro: Isang klasikong kasabihang Tsino na ginagamit para isalarawan ang isang tao na malawak ang pang-unawa at mapagkawanggawa.