5. Ang Biblia ay patotoo sa gawain ng Diyos. Sa pamamagitan ng Biblia ay kinikilala ng lahat ng naniniwala sa Panginoon na ang langit at lupa at ang lahat ng mga bagay ay nilikha ng Diyos. Dahil sa Biblia ay nakikita nila ang pagiging kamangha-mangha, dakila, at makapangyarihan sa lahat ng mga gawa ng Diyos. Higit pa riyan, naglalaman ang Biblia ng maraming salita ng Diyos at mga patotoong mula sa karanasan ng tao na kayang magbigay para sa buhay ng tao, at lubos na nakapagtuturo sa tao. Maaari ba tayong magtamo ng buhay na walang hanggan sa pagbabasa ng Biblia? O wala sa Biblia ang daan ng buhay na walang hanggan?

Mga Talata ng Biblia para Sanggunian:

“Saliksikin ninyo ang mga kasulatan, sapagka’t iniisip ninyo na sa mga yaon ay mayroon kayong buhay na walang hanggan; at ang mga ito’y siyang nangagpapatotoo tungkol sa Akin. At ayaw kayong magsilapit sa Akin, upang kayo’y magkaroon ng buhay” (Juan 5:39–40).

“Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay: sinuman ay ’di makaparoroon sa Ama, kundi sa pamamagitan Ko” (Juan 14:6).

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Sa pagbabasa ng Biblia ang mga tao ay makakatamo rin ng maraming daan ng pamumuhay na hindi matatagpuan sa iba pang mga aklat. Ang mga daang ito ang mga daan ng buhay ng gawain ng Banal na Espiritu na naranasan ng mga propeta at apostol sa mga nagdaang kapanahunan, at karamihan sa mga salita ay mahalaga, at nakakapagbigay ng mga pangangailangan ng mga tao. Kaya, ibig ng lahat ng tao na magbasa ng Biblia. Dahil sa napakarami ng nakatago sa Biblia, ang mga pananaw ng tao hinggil dito ay hindi tulad sa mga kasulatan ng dakilang espirituwal na mga tao. Ang Biblia ay isang talaan at tinipong mga karanasan at kaalaman ng mga taong naglingkod kina Jehova at Jesus sa luma at bagong kapanahunan, at sa gayon nakakayanang magtamo ng mga sumunod na henerasyon ng maraming kaliwanagan, pagpapalinaw, at mga landas ng pagsasagawa mula rito. Ang dahilan kung bakit ang Biblia ay mas mataas kaysa sa mga kasulatan ng sinumang dakilang espirituwal na tao ay sapagkat ang lahat ng kanilang mga kasulatan ay hinango mula sa Biblia, ang kanilang mga karanasan ay nagmula lahat sa Biblia, at lahat sila ay nagpapaliwanag ng Biblia. At sa gayon, bagaman ang mga tao ay maaaring makakuha ng panustos mula sa mga aklat ng sinumang dakilang espirituwal na tao, sinasamba pa rin nila ang Biblia, dahil ito ay tila napakataas at napakalalim para sa kanila! Kahit na pinagsasama-sama ng Biblia ang ilang aklat ng mga salita ng buhay, tulad ng mga liham ni Pablo at mga liham ni Pedro, at bagaman ang mga tao ay matutustusan at matutulungan ng mga librong ito, hindi na rin napapanahon ang mga librong ito, ang mga ito ay nabibilang pa rin sa lumang kapanahunan, at kahit na gaano kainam ang mga ito, ang mga ito ay angkop lamang para sa isang panahon, at hindi panghabang-panahon. Sapagkat ang gawain ng Diyos ay palaging umuunlad, at ito ay hindi maaaring basta na lamang titigil sa panahon nina Pablo at Pedro, o palagiang mananatili sa Kapanahunan ng Biyaya kung saan si Jesus ay ipinako sa krus. At kaya, ang mga aklat na ito ay angkop lamang para sa Kapanahunan ng Biyaya, hindi para sa Kapanahunan ng Kaharian ng mga huling araw. Ang mga ito ay magkakaloob lamang para sa mga mananampalataya ng Kapanahunan ng Biyaya, hindi para sa mga banal ng Kapanahunan ng Kaharian, at hindi mahalaga kung gaano kainam ang mga ito, ang mga ito ay lipas pa rin. Ito ay kapareho ng gawain ni Jehova ng paglikha o ng Kanyang gawain sa Israel: Hindi mahalaga kung gaano kadakila ang gawaing ito, ito pa rin ay hindi na napapanahon, at ang oras ay darating pa rin kung kailan ito ay tapos na. Ang gawain ng Diyos ay katulad din nito: Ito ay dakila, ngunit darating ang panahon kung kailan matatapos ito; hindi ito palagiang mananatili sa gitna ng gawain ng paglikha, ni sa gitna ng pagpapako sa krus. Gaano man kapani-paniwala ang gawain ng pagpapako sa krus, gaano man kabisa ito sa pagdaig kay Satanas, ang gawain, kung tutuusin, ay gawain pa rin, at ang mga kapanahunan, kung tutuusin, ay mga kapanahunan pa rin; ang gawain ay hindi palaging mananatili sa gayon ding pundasyon, ni ang mga panahon ay hindi nagbabago kailanman, dahil mayroong paglikha at dapat mayroong mga huling araw. Ito ay tiyak na mangyayari! Kaya, ngayon ang mga salita ng buhay sa Bagong Tipan—ang mga liham ng mga apostol, at ang Apat na Ebanghelyo—ay naging mga aklat ng kasaysayan, ang mga ito ay naging lumang mga almanak, at paanong madadala ng lumang mga almanak ang mga tao sa bagong kapanahunan? Gaano man ang kakayahan ng mga almanak na ito sa pagbibigay ng buhay sa mga tao, gaano man ang kakayahan ng mga ito na akayin ang mga tao sa krus, hindi ba ang mga ito ay lipas na? Hindi ba nawalan na ang mga ito ng halaga? Kaya, sinasabi Ko na hindi ka dapat pikit-matang naniniwala sa mga almanak na ito. Ang mga ito ay napakaluma, hindi ka nito madadala tungo sa bagong gawain, at maaaring pabigat lamang ang mga ito sa iyo. Hindi lamang sa hindi ka nito madadala tungo sa bagong gawain, at tungo sa bagong pagpasok, kundi dinadala ka ng mga ito tungo sa mga lumang relihiyosong simbahan—at kung gayon, hindi ka ba paurong sa paniniwala mo sa Diyos?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Bibliya 4

Maraming tao ang naniniwala na ang pag-unawa at kakayahang magpakahulugan sa Biblia ay tulad ng pagkasumpong sa tunay na daan—ngunit sa katunayan, ganoon ba talaga kasimple ang mga bagay-bagay? Walang sinumang nakakaalam sa realidad ng Biblia: na ito’y walang iba kundi isang talaan ng kasaysayan ng gawain ng Diyos, at isang patotoo sa nakaraang dalawang yugto ng gawain ng Diyos, at hindi nagbibigay sa iyo ng pagkaunawa sa mga minimithi ng gawain ng Diyos. Alam ng lahat na nakabasa na sa Biblia na idinodokumento nito ang dalawang yugto ng gawain ng Diyos noong Kapanahunan ng Kautusan at Kapanahunan ng Biyaya. Isinasalaysay sa Lumang Tipan ang kasaysayan ng Israel at gawain ni Jehova mula sa panahon ng paglikha hanggang sa katapusan ng Kapanahunan ng Kautusan. Nakatala sa Bagong Tipan ang gawain ni Jesus sa lupa, na nasa Apat na Ebanghelyo, pati na rin ang gawain ni Pablo—hindi ba mga talaan ng kasaysayan ang mga ito? Ang pagbanggit ngayon sa mga bagay na nakalipas ay gumagawa sa mga ito na kasaysayan, at hindi mahalaga kung gaano katotoo o tunay ang mga ito, ang mga ito ay kasaysayan pa rin—at ang kasaysayan ay hindi magpapatungkol sa kasalukuyan. Sapagkat ang Diyos ay hindi lumilingon sa kasaysayan! At kaya, kung iyo lamang nauunawaan ang Biblia, at walang nauunawaan sa gawain na nilalayong isakatuparan ngayon ng Diyos, at kung naniniwala ka sa Diyos nguni’t hindi hinahanap ang gawain ng Banal na Espiritu, kung gayon ay hindi mo nauunawaan kung ano ang ibig sabihin ng hanapin ang Diyos. Kung binabasa mo ang Biblia upang pag-aralan ang kasaysayan ng Israel, upang saliksikin ang kasaysayan ng paglikha ng Diyos sa buong kalangitan at kalupaan, kung gayon ay hindi ka naniniwala sa Diyos. Ngunit ngayon, dahil naniniwala ka sa Diyos, at hinahangad ang buhay, dahil hinahangad mo ang pagkakilala sa Diyos, at hindi hinahangad ang mga walang-buhay na titik at doktrina, o ang pagkaunawa ng kasaysayan, dapat mong hanapin ang kalooban ng Diyos ngayon, at dapat hanapin ang direksyon ng gawain ng Banal na Espiritu. Kung ikaw ay isang arkeologo maaari mong mabasa ang Biblia—ngunit ikaw ay hindi, ikaw ang isa sa mga yaon na naniniwala sa Diyos, at pinakamainam na hanapin mo ang kalooban ng Diyos sa ngayon.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Bibliya 4

Marahil ang magkamit ng buhay ang ninanais mo ngayon, o marahil ninanais mong makamit ang katotohanan. Anuman ang kalagayan, nais mong matagpuan ang Diyos, matagpuan ang Diyos na maaasahan mo, at yaong kayang magbigay sa iyo ng buhay na walang hanggan. Kung nais mong makamit ang buhay na walang hanggan, dapat mo munang maintindihan ang pinagmumulan ng buhay na walang hanggan at dapat munang malaman kung nasaan ang Diyos. Nasabi Ko na na tanging ang Diyos lamang ang buhay na hindi nababago, at tanging ang Diyos lamang ang nagtataglay ng daan ng buhay. Dahil ang Diyos ay ang buhay na hindi nagbabago, Siya kung gayon ang buhay na walang hanggan; dahil tanging ang Diyos lamang ang daan ng buhay, ang Diyos Mismo sa gayon ang daan ng buhay na walang hanggan. Samakatuwid, dapat mo munang maintindihan kung nasaan ang Diyos, at kung paano makamit itong daan ng buhay na walang hanggan. Mag-ugnayan tayo ngayon para sa pagbabahagi sa magkahiwalay na dalawang usaping ito.

Kung tunay na nais mong makamit ang daan ng buhay na walang hanggan, at kung masugid ka sa paghahanap mo nito, kung gayon sagutin mo muna ang tanong na ito: Nasaan ang Diyos ngayon? Marahil sasagot ka, “Siyempre, nakatira ang Diyos sa langit—hindi Siya titira sa tahanan mo, hindi ba?” Marahil masasabi mo na maliwanag na naninirahan ang Diyos sa lahat ng bagay. O maaaring masabi mo na naninirahan sa puso ng bawat tao ang Diyos, o na nasa espirituwal na daigdig ang Diyos. Hindi Ko ipinagkakaila ang alinman dito, ngunit dapat Kong linawin ang usapin. Hindi lubos na tamang sabihing naninirahan ang Diyos sa puso ng tao, ngunit hindi rin ito lubos na mali. Ito ay sapagkat, sa mga nananalig sa Diyos, mayroong yaong mga totoo ang paniniwala at yaong mga huwad ang paniniwala, mayroong yaong mga sinasang-ayunan ng Diyos at yaong mga hindi Niya sinasang-ayunan, mayroong yaong mga nagbibigay-lugod sa Kanya at yaong mga kinamumuhian Niya, at mayroong yaong mga ginagawa Niyang perpekto at yaong mga inaalis Niya. Kaya naman sinasabi Ko na naninirahan ang Diyos sa mga puso ng kakaunting tao, at walang-alinlangang yaong mga taong ito ang tunay na naniniwala sa Diyos, yaong mga sinasang-ayunan ng Diyos, yaong mga nakalulugod sa Kanya, at yaong mga ginagawa Niyang perpekto. Sila ang mga pinamumunuan ng Diyos. Dahil pinamumunuan sila ng Diyos, sila ang mga taong narinig at nakita na ang daan ng Diyos sa buhay na walang hanggan. Yaong mga huwad ang paniniwala sa Diyos, yaong mga hindi sinasang-ayunan ng Diyos, yaong mga kinamumuhian ng Diyos, yaong mga inaalis ng Diyos—tatanggihan sila ng Diyos, mananatiling walang daan ng buhay, at mananatiling mangmang sa kung nasaan ang Diyos. Sa kabaligtaran, yaong mga naninirahan ang Diyos sa kanilang mga puso ay alam kung nasaan Siya. Sila ang mga taong ipinagkakaloob ng Diyos ang daan ng buhay na walang hanggan, at sila ang mga sumusunod sa Diyos. Alam mo na ba ngayon kung nasaan ang Diyos? Kapwa nasa puso ng tao at nasa tabi niya ang Diyos. Hindi lamang Siya nasa espirituwal na daigdig, at nangingibabaw sa lahat, ngunit mas higit pa sa lupa kung saan umiiral ang tao. Sa gayon dinala ng pagdating ng mga huling araw ang mga hakbang ng gawain ng Diyos sa panibagong teritoryo. Hawak ng Diyos ang kataas-taasang kapangyarihan sa bawat isa sa lahat ng bagay, at Siya ang pangunang sandigan ng tao sa kanyang puso, at bukod dito, umiiral Siya kasama ng tao. Sa pamamagitan lamang nito maihahatid Niya ang daan ng buhay sa sangkatauhan, at maihahatid ang sangkatauhan sa daan ng buhay. Pumarito sa lupa ang Diyos, at namumuhay kasama ng mga tao, upang maaaring makamtan ng tao ang daan ng buhay, at sa gayon upang umiral ang tao. Kasabay nito, pinamumunuan din ng Diyos ang bawat isa sa lahat ng bagay, upang padaliin ang pagtutulungan sa pamamahala na ginagawa Niya kasama ng tao. Kaya naman, kung kinikilala mo lamang ang doktrinang nasa langit at nasa puso ng tao ang Diyos, subalit hindi kinikilala ang katotohanan ng pag-iral ng Diyos kasama ng mga tao, kung gayon hindi mo kailanman makakamit ang buhay, at hindi kailanman makakamit ang daan ng katotohanan.

Ang Diyos Mismo ay buhay, at ang katotohanan, at sabay na umiiral ang Kanyang buhay at katotohanan. Yaong mga walang kakayahang makamit ang katotohanan ay hindi kailanman makakamit ang buhay. Kung wala ang patnubay, pag-alalay, at paglaan ng katotohanan, ang tanging makakamit mo lamang ay mga titik, mga doktrina, at, higit sa lahat, kamatayan. Laging naririyan ang buhay ng Diyos, at umiiral nang sabay ang Kanyang katotohanan at buhay. Kung hindi mo matatagpuan ang pinagmulan ng katotohanan, kung gayon hindi mo makakamit ang pampalusog ng buhay; kung hindi mo makakamit ang panustos ng buhay, kung gayon tiyak na hindi ka magkakaroon ng katotohanan, at sa gayon bukod sa mga guni-guni at mga kuru-kuro, magiging walang iba ang kabuuan ng katawan mo kundi ang laman mo—ang umaalingasaw mong laman. Alamin mong hindi itinuturing na buhay ang mga salita ng mga aklat, hindi maaaring sambahin na katotohanan ang mga talaan ng kasaysayan, at hindi maaaring magsilbing isang ulat ng mga salitang sinasabi ng Diyos sa kasalukuyan ang mga tuntunin ng mga nakalipas na panahon. Tanging ang mga inihahayag lamang ng Diyos kapag pumarito Siya sa lupa at namumuhay kasama ng tao ay ang katotohanan, ang buhay, ang kalooban ng Diyos, at ang Kanyang kasalukuyang paraan ng paggawa. Kapag ginamit mo ang mga talaan ng mga salitang sinabi ng Diyos noong mga nagdaang panahon hanggang ngayon, sa gayon isa kang arkeologo, at isang dalubhasa sa mga minanang kasaysayan ang pinakamainam na paraan ng paglalarawan sa iyo. Iyon ay sapagkat palagi kang naniniwala sa mga bakas ng gawaing ginawa ng Diyos noong mga nagdaang panahon, tanging naniniwala lamang sa anino ng Diyos na naiwan mula noong dati Siyang gumawa kasama ng mga tao, at tanging naniniwala lamang sa daang ibinigay ng Diyos sa Kanyang mga tagasunod noong mga dating panahon. Hindi ka naniniwala sa direksiyon ng gawain ng Diyos ngayon, hindi naniniwala sa maluwalhating anyo ng Diyos ngayon, at hindi naniniwala sa daan ng katotohanan na kasalukuyang inihahayag ng Diyos. Sa gayon hindi maipagkakailang isa kang nangangarap nang gising na ganap na walang ugnayan sa realidad. Kung ngayon nananatili ka pa ring nakakapit sa mga salitang walang kakayahang magbigay ng buhay sa mga tao, kung gayon isa kang walang pag-asang piraso ng tuyong kahoy,[a] dahil masyado kang makaluma, masyadong suwail, masyadong hindi naaapektuhan ng katwiran!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging si Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan

Naghahatid ng buhay si Cristo ng mga huling araw, at naghahatid ng walang maliw at magpakailanmang daan ng katotohanan. Ang katotohanang ito ang landas kung saan makakamit ng tao ang buhay, at ito lamang ang tanging landas kung saan makikilala ng tao ang Diyos at masasang-ayunan ng Diyos. Kung hindi mo hahanapin ang daan ng buhay na ibinigay ni Cristo ng mga huling araw, kung gayon hindi mo kailanman makakamit ang pagsang-ayon ni Jesus, at hindi kailanman magiging karapat-dapat pumasok sa pintuan ng kaharian ng langit, sapagkat kapwa ka bulag na tagasunod at bilanggo ng kasaysayan. Yaong mga kontrolado ng mga tuntunin, ng mga titik, at iginapos ng kasaysayan ay hindi kailanman makakamit ang buhay ni makakamit ang walang-hanggang daan ng buhay. Ito ay sapagkat ang mayroon lamang sila ay malabong tubig na kinapitan ng libu-libong taon sa halip na tubig ng buhay na dumadaloy mula sa trono. Mananatili magpakailanman na mga bangkay, mga laruan ni Satanas, at mga anak ng impiyerno yaong mga hindi nabigyan ng tubig ng buhay. Kung gayon, paano nila mapagmamasdan ang Diyos? Kung sinusubukan mo lamang na hawakan ang nakaraan, sinusubukan lamang na panatilihin ang mga bagay sa kung ano sila sa pamamagitan ng hindi paggalaw, at hindi sinusubukang baguhin ang nakasanayan na at itapon ang kasaysayan, kung gayon hindi ka ba magiging palaging laban sa Diyos? Malawak at makapangyarihan ang mga hakbang ng gawain ng Diyos, tulad ng rumaragasang mga alon at dumadagundong na mga kulog—subalit nakaupo kang walang imik na naghihintay ng pagkawasak, nakakapit sa kahangalan mo at walang ginagawa. Sa ganitong paraan, paano ka maituturing na isang taong sumusunod sa mga yapak ng Cordero? Paano mo mabibigyang-katwiran na ang Diyos na kinakapitan mo ay isang Diyos na laging bago at hindi kailanman luma? At paano ka maihahatid ng mga salita sa mga nanilaw mong mga libro patawid sa panibagong kapanahunan? Paano ka nila maaakay para mahanap mo ang mga hakbang ng gawain ng Diyos? At paano ka nila madadala paakyat sa langit? Ang hawak mo sa mga kamay mo ay ang mga titik na magbibigay lamang ng panandaliang ginhawa, hindi ang mga katotohanang kayang magbigay ng buhay. Napagyayaman lamang ng mga banal na kasulatang binabasa mo ang dila mo at hindi ng mga salita ng pilosopiyang makatutulong sa pag-unawa mo sa buhay ng tao, lalong hindi sa mga landas na makapaghahatid sa iyo sa pagkaperpekto. Hindi ba nagdudulot sa iyo ng pagmumuni-muni ang pagkakaibang ito? Hindi ba pinagtatanto ka nito sa mga hiwagang sumasaloob? May kakayahan ka bang dalhin ang sarili mo sa langit upang makipagkita sa Diyos nang ikaw lang? Kung walang pagdating ng Diyos, kaya mo bang dalhin ang sarili mo sa langit upang matamasa ang kasiyahang pampamilya kasama ang Diyos? Nananaginip ka pa rin ba ngayon? Imumungkahi Ko, kung gayon, na ihinto mo ang pananaginip at tingnan kung sino ang gumagawa ngayon—tingnan para makita kung sino ngayon ang nagpapatupad sa gawain ng pagliligtas sa tao sa mga huling araw. Kung hindi mo gagawin, hindi mo kailanman makakamit ang katotohanan, at hindi kailanman makakamit ang buhay.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging si Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan

Talababa:

a. Isang piraso ng tuyong kahoy: isang kawikaang Tsino, ibig sabihin “walang pag-asa.”

Sinundan: 4. Mahigit dalawampung taon ko nang pinag-aaralan ang Biblia. Nalaman ko na kahit na ang Biblia ay isinulat ng higit sa 40 magkakaibang may-akda sa iba’t ibang panahon, hindi ito naglalaman ng kahit isang pagkakamali. Pinapatunayan nito na ang Diyos ay ang totoong may-akda ng Biblia, at ang lahat ng Banal na Kasulatan ay nagmula sa Banal na Espiritu.

Sumunod: 6. Pinatototohanan mo na Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao ay ang maliit na balumbon na binuksan ng Cordero na ipinropesiya sa Aklat ng Pahayag. Hindi kami naniniwala. Naniniwala kami na ang “maliit na balumbon” ay tumutukoy sa Biblia, ang Biblia ay ang maliit na balumbon, at sapat na na ang Biblia lamang ang ating binabasa.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Tanong 13: Lahat kayo ay naniniwala sa Diyos; Ako naman ay kina Marx at Lenin. Dalubhasa ako sa pagsasaliksik ng iba’t ibang paniniwala sa relihiyon. Sa ilang taon ng pagsasaliksik ko, may nadiskubre akong isang problema. Ayon sa relihiyosong paniniwala ay mayroon talagang Diyos. Pero sa dami ng naniniwala sa Diyos, wala pa namang nakakakita sa Kanya. Ang paniniwala nila ay base sa sarili nilang nararamdaman. Kaya nga nakabuo ako ng konklusyon tungkol sa relihiyosong paniniwala: Purong imahinasyon lang ang relihiyosong paniniwala; yun ay isang pamahiin, at walang matibay na basehan sa syensya. Ang modernong lipunan, ay isang lipunan kung saan napakaunlad na ng syensya. Kailangang, nakabase ang lahat sa syensya, para hindi na magkaro’n ng kamalian. Kaming mga miyembro ng Partidong Komunista ay naniniwala sa Marxismo-Leninismo. Hindi kami naniniwalang may Diyos. Ano bang sabi sa The Internationale? “Kailanma’y di nagkaro’n ng Tagapagligtas ang mundo, o ng diyos at emperador na kailangang asahan. Upang magkaro’n ng kaligayahan ang tao, mga sarili lamang natin ang ating asahan!” Malinaw sa The Internationale na “Kailanma’y di nagkaro’n ng Tagapagligtas ang mundo.” Ang sangkatauhan ay naniwala noon sa Diyos at naging mapamahiin dahil ang sangkatauhan nung mga panahong iyon, ay humaharap sa kababalaghan ng natural na mundo na ang araw, buwan, mga bituin; hangin, ulan, kulog at kidlat, ay hindi makapagbibigay ng siyentipikong paliwanag. Samakatuwid, sumibol sa mga utak nila ang takot at pagtataka tungkol sa di-pangkaraniwang kapangyarihan. Kung kaya nabuo ang mga pinakaunang konsepto ng relihiyon. Bukod ditto, nung hindi malutas ng mga tao ang kahirapang dulot ng mga kalamidad at sakit, umasa silang makakuha ng ginhawang pangkaluluwa sa pamamagitan ng mataimtim na pagsunod sa Diyos. Ito ang dahilan kaya nabuhay ang relihiyon. Kitang-kita naman, Hindi ito makatwiran at hindi siyentipiko! Sa panahong ito, moderno na ang tao, at namamayagpag na ang siyensya. Sa mga larangang gaya ng aerospace industry, biotechnology, genetic engineering at medisina, mabilis na naging maunlad ang lahat ng tao. Noon hindi ito naintindihan ng sangkatauhan, at hindi nila kayang lutasin ang mga problema. Pero ngayon kaya ng ipaliwanag ng siyensya ang mga problemang ito, at pwede ng umasa sa siyensya para magbigay ng mga solusyon. Ngayong maunlad na ang agham at teknolohiya, kung naniniwala pa rin ang tao sa Diyos, at naging mapamahiin, hindi ba’t ito ay kabaliwan at kamangmangan? Hindi ba’t napag-iwanan na ang mga tao sa panahong ito? Ang pinakapraktikal na gawin ay ang maniwala tayo sa siyensya.

Sagot: Sabi n’yo ang relihiyosong paniniwala ay dahil sa napag-iwanan na ang tao sa siyentipikong kaalaman, at nabuo mula sa takot at...

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito