1. Ang mundo ngayon ay totoong mas lalong dumidilim, at ang sangkatauhan ay mas nagiging tiwali. Ang mundo ay bumabagsak, nawawala ng moralidad, ang mabubuting tao na naniniwala sa Diyos at lumalakad sa tamang landas ay tinatakot, inaapi, at inuusig, habang ang mga mambobola at mandarambong na gumagawa ng lahat ng uri ng kasamaan ay umuunlad. Bakit napakadilim ng mundo, napakasama? Ang katiwalian ng sangkatauhan ay umabot na sa tugatog nito—oras na ba upang ang tao ay lipulin ng Diyos?

1) Bakit napakadilim at napakasama ng mundo?

Mga Talata ng Biblia para Sanggunian:

“Ang buong sanlibutan ay nasasailalim sa masama” (1 Juan 5:19).

“At ito ang kahatulan, na naparito ang ilaw sa sanglibutan, at inibig pa ng mga tao ang kadiliman kay sa ilaw; sapagka’t masasama ang kanilang mga gawa. Sapagka’t ang bawa’t isa na gumagawa ng masama ay napopoot sa ilaw, at hindi lumalapit sa ilaw, upang huwag masaway ang kaniyang mga gawa” (Juan 3:19–20).

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Makalipas ang ilang libong taon ng katiwalian, ang tao ay manhid at mapurol ang isip; siya ay naging masamang demonyong sumasalungat sa Diyos, hanggang naitala na sa mga aklat ng kasaysayan ang paghihimagsik ng tao tungo sa Diyos, at kahit ang tao mismo ay hindi kayang magbigay ng buong ulat ng kanyang ugaling mapaghimagsik—sapagkat ang tao ay nagawang tiwali na nang husto ni Satanas, at nailigaw na ni Satanas, na anupa’t hindi niya nalalaman kung saan tutungo. Kahit sa ngayon, ipinagkakanulo pa rin ng tao ang Diyos: Kapag nakikita ng tao ang Diyos, nagkakanulo ang tao sa Kanya, at kapag hindi nakikita ng tao ang Diyos, Siya ay ipinagkakanulo pa rin ng tao. Mayroon pa ngang iba na, bagaman nasasaksihan na ang mga sumpa ng Diyos at poot ng Diyos, ipinagkakanulo pa rin Siya. Kung kaya’t sinasabi Kong ang katwiran ng tao ay nawalan na ng orihinal nitong gamit, at na ang konsensiya ng tao, gayundin, ay nawalan ng orihinal nitong gamit. … Ang tao, na isinilang sa gayong napakaruming lupain, ay labis nang nahawaan ng lipunan, nakondisyon na siya ng mga etikang piyudal, at natanggap niya ang edukasyon ng “mga institusyon ng mas mataas na pag-aaral.” Ang kaisipang paurong, tiwaling moralidad, mababang-uring pananaw sa buhay, kasuklam-suklam na pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, lubos na walang halagang pag-iral, at mga mababang-uring kaugalian at pang-araw-araw na buhay—lubhang nanghimasok na sa puso ng tao ang lahat ng mga bagay na ito, at lubhang pinipinsala at inaatake ang kanyang konsensiya. Bilang resulta, mas lalong lumalayo ang tao mula sa Diyos, at mas lalong nagiging laban sa Kanya. Lalong nagiging mas walang awa ang disposisyon ng tao sa bawat araw, at wala ni isang tao ang magkukusang isuko ang anumang bagay para sa Diyos, wala ni isang tao ang magkukusang magpasakop sa Diyos, at lalong walang ni isang taong magkukusang hanapin ang pagpapakita ng Diyos. Sa halip, hinahangad ng tao ang kasiyahan hangga’t gusto niya sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, at walang pakundangang ginagawang tiwali ang kanyang laman sa putikan. Marinig man nila ang katotohanan, walang pagnanais ang mga nananahan sa kadiliman na isagawa ito, at ayaw nilang maghanap kahit na nakikita nilang nagpakita na ang Diyos. Paanong magkakaroon ng kahit kaunting tsansa sa kaligtasan ang isang tiwaling sangkatauhang tulad nito? Paano mabubuhay sa liwanag ang isang bulok na sangkatauhang tulad nito?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hindi Pagbabago ng Disposisyon ay Pakikipag-alitan sa Diyos

Sa loob ng libo-libong taon, ito ang naging lupain ng karumihan. Hindi matitiis ang karumihan nito, laganap ang pagdurusa dito, naglipana ang mga multo sa buong paligid, nanlalansi at nanlilinlang, nag-iimbento ng mga bagay nang walang batayan,[1] walang-awa at malupit, niyuyurakan ang bayang ito ng mga multo at iniiwan itong nagkalat ang mga patay na katawan; ang amoy ng pagkabulok ay bumabalot sa lupain at kumakalat sa hangin, at ito ay mahigpit na binabantayan.[2] Sino ang makakakita sa mundo sa kabila ng himpapawid? Mahigpit na ginagapos ng demonyo ang buong katawan ng tao, tinatakpan nito ang pareho niyang mga mata, at siniselyuhan nang mahigpit ang kanyang mga labi. Naghari na ang hari ng mga diyablo sa loob ng ilang libong taon, magpahanggang sa ngayon, kung kailan patuloy pa rin nitong mahigpit na binabantayan ang bayan ng mga multo, na para bang ito ay hindi-mapapasok na palasyo ng mga demonyo; samantala, ang pangkat na ito ng mga asong-tagapagbantay ay nakatitig nang nanlilisik ang mga mata, takot na takot na mahuhuli sila ng Diyos nang hindi nila namamalayan at lilipulin silang lahat, at iiwan sila na walang lugar ng kapayapaan at kaligayahan. Paano kaya nakita kailanman ng mga taong nakatira sa ganitong bayan ng mga multo ang Diyos? Natamasa na ba nila kahit kailan ang pagiging kagiliw-giliw at ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos? Paano nila nauunawaan ang mga usapin ng mundo ng tao? Sino sa kanila ang maaaring makaunawa sa sabik na mga layunin ng Diyos? Hindi na gaanong nakapagtataka, kung gayon, na nananatiling ganap na nakatago ang Diyos na nagkatawang-tao: Sa isang madilim na lipunang tulad nito, kung saan ang mga demonyo ay walang puso at hindi makatao, paanong matitiis ng hari ng mga diyablo, na pumapatay ng mga tao nang walang pakundangan, ang pag-iral ng isang Diyos na kaibig-ibig, mabait, at banal? Paano nito maaaring papurihan at ipagsaya ang pagdating ng Diyos? Ang mga sunod-sunurang ito! Sinusuklian nila ng poot ang kabaitan, matagal na nilang sinimulang tratuhing kaaway ang Diyos, inaabuso nila ang Diyos, sukdulan ang kanilang kalupitan, wala sila ni bahagyang pagsasaalang-alang para sa Diyos, nananamsam at nandarambong sila, ganap na silang nawalan ng budhi, sinasalungat nila ang kanilang konsensiya, at tinutukso nila ang mga walang-muwang tungo sa kawalang-malay. Mga ninuno ng sinauna? Minamahal na mga lider? Tinututulan nilang lahat ang Diyos! Iniwan ng kanilang panghihimasok ang lahat sa buong mundo sa isang kalagayan ng kadiliman at ganap na kaguluhan! Kalayaang panrelihiyon? Lehitimong mga karapatan at mga interes ng mga mamamayan? Ang mga iyon ay mga panlalansing lahat para pagtakpan ang kasamaan! Sino ang nakayakap na sa gawain ng Diyos? Sino ang nagbuwis na ng kanilang buhay o nagpadanak na ng dugo para sa gawain ng Diyos? Ang mga tao, na inalipin sa loob ng maraming henerasyon, nang walang patid mula sa mga magulang hanggang sa mga anak, ay walang galang na inalipin ang Diyos—paano itong hindi magbubunsod ng matinding galit? Ang libo-libong taon ng pagkamuhi ay naiipon sa puso, nakaukit sa puso ang libo-libong taon ng pagkamakasalanan—paanong hindi ito pupukaw ng pagkasuklam? Ipaghiganti ang Diyos, ganap na lipulin ang Kanyang kaaway, huwag nang hayaan pa itong patuloy na magwala, at huwag na itong hayaang mamuno bilang isang tirano! Ngayon na ang oras: Matagal nang tinipon ng tao ang lahat ng kanyang lakas, at ilalaan niya ang lahat ng dugo ng kanyang puso at babayaran ang bawat halaga para dito, upang punitin ang kahindik-hindik na mukha ng diyablong ito at tulutan ang mga tao, na nabulag na, at nagtiis na ng bawat uri ng pagdurusa at paghihirap, na bumangon mula sa kanilang pasakit at maghimagsik laban sa masama at matandang diyablong ito. Bakit naglalagay ng isang di-mapapasok na balakid sa gawain ng Diyos? Bakit gumagamit ng iba’t ibang pandaraya upang linlangin ang mga tao ng Diyos? Nasaan ang tunay na kalayaan at lehitimong mga karapatan at mga interes? Nasaan ang katarungan? Nasaan ang kaaliwan? Nasaan ang init? Bakit gumagamit ng madayang mga pakana upang linlangin ang mga tao ng Diyos? Bakit gumagamit ng puwersa para pigilan ang pagdating ng Diyos? Bakit hindi hinahayaan ang Diyos na malayang gumala sa ibabaw ng lupa na nilikha Niya? Bakit tinutugis ang Diyos hanggang wala na Siyang mapagpahingahan man lamang ng Kanyang ulo? Nasaan ang init sa gitna ng mga tao? Nasaan ang pagsalubong sa Kanya sa gitna ng mga tao? Bakit nagdudulot ng gayong katinding pananabik sa Diyos? Bakit pinatatawag ang Diyos nang paulit-ulit? Bakit itinutulak ang Diyos hanggang sa puntong kailangan Niyang mag-alala sa Kanyang minamahal na Anak? Napakadilim ng lipunang ito—bakit hindi hinahayaan ng kasuklam-suklam na mga asong-bantay nito na malayang dumating at umalis ang Diyos sa mundong nilikha Niya?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok (8)

Mga Talababa:

1. Ang “nagpaparatang nang walang batayan” ay tumutukoy sa mga paraan kung paano pinipinsala ng diyablo ang mga tao.

2. Ang “mahigpit na binabantayan” ay nagpapahiwatig na ang mga paraan kung saan pinahihirapan ng diyablo ang mga tao ay lalo nang malupit, at kontrolado nang labis ang mga tao na wala na silang makilusan.


Yaong sa mga diyablo ay namumuhay lahat para sa kanilang mga sarili. Ang pananaw nila sa buhay at mga salawikain ay kalimitang nagmumula sa mga kasabihan ni Satanas, tulad ng “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba,” “Ang tao ay namamatay para sa kayamanan, gaya ng mga ibon para sa pagkain,” at iba pang gayong mga maling kaisipan. Lahat ng salitang ito na sinambit ng yaong mga diyablong hari, mga dakila, at mga pilosopo ay ang naging mismong buhay ng tao. Lalo na, karamihan sa mga salita ni Confucius, na itinataas ng mga Tsino bilang isang “pantas,” ay naging buhay na ng tao. Mayroon ding mga bantog na kasabihan ng Budismo at Taoismo, at ang mga klasikong kasabihan na madalas ulitin ng iba’t ibang tanyag na tao. Lahat ng ito ay mga pagbubuod ng mga pilosopiya ni Satanas at kalikasan ni Satanas. Ang mga ito rin ang pinakamahusay na paglalarawan at paliwanag tungkol sa kalikasan ni Satanas. Ang mga lason na ito na naipasok sa puso ng tao ay nagmumulang lahat kay Satanas, at ni katiting sa mga ito ay walang nagmumula sa Diyos. Ang mga maladiyablong salita na iyon ay diretsahan ding kumokontra sa salita ng Diyos. Napakalinaw na ang mga realidad ng lahat ng positibong bagay ay nagmumula sa Diyos, at lahat ng negatibong bagay na lumalason sa tao ay nagmumula kay Satanas. Samakatwid, makikilatis mo ang kalikasan ng isang tao at kung kanino siya kabilang sa pamamagitan ng pagtingin sa pananaw niya sa buhay at mga pinahahalagahan. Ginagawang tiwali ni Satanas ang mga tao sa pamamagitan ng edukasyon at impluwensiya ng mga pambansang pamahalaan at ng mga sikat at dakila. Ang kanilang mga maladiyablong salita ay naging buhay at kalikasan na ng tao. “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba” ay isang sikat na satanikong kasabihan na naikintal na sa lahat at ito ay naging buhay na ng tao. May iba pang mga salita ng pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo na katulad din nito. Ginagamit ni Satanas ang tradisyonal na kultura ng bawat bayan para turuan, iligaw, at gawing tiwali ang mga tao, nagsasanhi sa sangkatauhan na mahulog at masadlak sa isang walang-hanggang bangin ng pagkawasak, at sa huli, nililipol ng Diyos ang tao dahil naglilingkod sila kay Satanas at nilalabanan ang Diyos. Ang ilang tao ay naglingkod bilang mga opisyal ng gobyerno sa lipunan sa loob ng deka-dekada. Isipin na kunwari ay itinatanong mo sa kanila ang tanong na ito: “Naging napakahusay mo sa kapasidad na ito, anong mga bantog na kasabihan ang batayan mo sa buhay?” Maaaring sabihin nila, “Ang nag-iisang bagay na nauunawaan ko ay ito: ‘Hindi gagalawin ng mga opisyal ang mga sipsip sa kanila, at ang mga hindi nambobola ay walang mapapala.’” Ito ang satanikong pilosopiya na pinagbabatayan ng kanilang karera. Hindi ba kumakatawan ang mga salitang ito sa kalikasan ng gayong mga tao? Naging kalikasan na nila ang walang-pakundangang paggamit ng anumang paraan para makakuha ng katungkulan, at ang pagiging opisyal at tagumpay sa karera ang kanilang mga layon. Marami pa ring satanikong lason sa buhay, sariling asal at pag-uugali ng mga tao. Halimbawa, ang mga pilosopiya nila para sa mga makamundong pakikitungo, ang kanilang mga paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay, at kanilang mga kasabihan ay pawang puno ng mga lason ng malaking pulang dragon, at lahat ng ito ay galing kay Satanas. Kaya, lahat ng dumadaloy sa mga buto at dugo ng mga tao ay kay Satanas. Lahat ng opisyal na iyon, ang mga may hawak ng kapangyarihan, at yaong mga matagumpay ay may sarili nilang mga landas at lihim sa tagumpay. Hindi ba lubos na kumakatawan ang mga lihim na iyon sa kanilang kalikasan? Napakalaki ng mga nagawa nila sa mundo, at walang sinumang nakakatalos sa mga pakana at intrigang nasa likod ng mga iyon. Nagpapakita ito na lubhang lihim na mapanira at makamandag ang kanilang kalikasan. Labis nang nagawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan. Ang kamandag ni Satanas ay dumadaloy sa dugo ng bawat tao, at masasabi na ang kalikasan ng tao ay tiwali, buktot, lumalaban, at salungat sa Diyos, puno at lubos na nakalubog sa mga pilosopiya at lason ni Satanas. Ito ay naging ganap na kalikasang diwa ni Satanas. Ito ang dahilan kaya nilalabanan at sinasalungat ng mga tao ang Diyos.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Malalaman ang Kalikasan ng Tao

Tinahak ng tao ang lahat ng iba’t ibang panahong ito sa pagsunod sa Diyos, ngunit hindi niya alam na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa kapalaran ng lahat ng bagay at buhay na nilalang, ni kung paano pinamamatnugutan at ginagabayan ng Diyos ang lahat ng bagay. Naging mailap ito sa tao sa kasalukuyan at maging sa tao noon pa man. Tungkol sa kung bakit, hindi ito dahil masyadong nakatago ang mga gawa ng Diyos, ni dahil hindi pa naisasakatuparan ang Kanyang plano, kundi dahil napakalayo ng puso’t espiritu ng tao sa Diyos, hanggang sa puntong patuloy pa ring nagsisilbi ang tao kay Satanas habang sumusunod siya sa Diyos—at hindi pa rin niya alam iyon. Walang sinumang aktibong naghahanap sa mga yapak at pagpapakita ng Diyos, at walang sinumang handang mabuhay sa pangangalaga at pagprotekta ng Diyos. Sa halip, handa silang tanggapin ang paninira ni Satanas, ng masamang diyablo, upang umangkop sa mundong ito, at sa mga patakaran ng buhay na sinusunod ng masamang sangkatauhang ito. Sa puntong ito, ang puso at espiritu ng tao ay naging handog na inaalay ng tao kay Satanas at naging pagkain ni Satanas. Higit pa rito, ang puso at espiritu ng tao ay naging lugar na kung saan si Satanas ay naninirahan, naging karapat-dapat na palaruan din ni Satanas ito. Sa gayon hindi alam ng tao na nawawala ang kanyang pag-unawa sa mga prinsipyo ng sariling asal, at sa halaga at kahulugan ng pag-iral ng tao. Ang mga batas ng Diyos at ang tipan sa pagitan ng Diyos at ng tao ay unti-unting lumalabo sa puso ng tao, at tumitigil siya sa paghahanap o pagbibigay-pansin sa Diyos. Sa paglipas ng panahon, hindi na nauunawaan ng tao ang kahalagahan ng paglikha ng Diyos sa kanya, ni hindi niya nauunawaan ang mga salitang nagmumula sa bibig ng Diyos at lahat ng nagmumula sa Diyos. Sa gayo’y nagsisimula ang tao na labanan ang mga batas at ordinansa ng Diyos, at nagiging manhid ang kanyang puso at espiritu…. Nawawala sa Diyos ang tao na orihinal Niyang nilikha sa simula, at nawawala sa tao ang ugat na orihinal niyang taglay: Ito ang trahedya ng sangkatauhang ito.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Diyos ang Pinagmulan ng Buhay ng Tao

2) Ngayong sukdulan na ang katiwalian ng sangkatauhan, dapat ba silang lipulin?

Mga Talata ng Biblia para Sanggunian:

“At tiningnan ng Diyos ang lupa, at, narito, ito ay tiwali; sapagkat pinasama ng lahat ng laman ang kanilang paglakad sa ibabaw ng lupa. At sinabi ng Diyos kay Noe, ‘Ang wakas ng lahat ng laman ay dumating sa harap Ko; sapagkat ang lupa ay napuno ng karahasan dahil sa kanila; at, narito, sila’y Aking lilipuling kalakip ng lupa’” (Genesis 6:12–13).

“At kung paano ang nangyari sa mga kaarawan ni Noe, ay gayon din naman ang mangyayari sa mga kaarawan ng Anak ng tao. Sila’y nagsisikain, sila’y nagsisiinom, sila’y nangag-aasawa, at sila’y pinapag-aasawa, hanggang sa araw na pumasok sa daong si Noe, at dumating ang paggunaw, at nilipol silang lahat. Gayon din naman kung paano ang nangyari sa mga kaarawan ni Lot; sila’y nagsisikain, sila’y nagsisiinom, sila’y nagsisibili, sila’y nangagbebenta, sila’y nangagtatanim, sila’y nangagtatayo ng bahay. Datapuwat nang araw na umalis sa Sodoma si Lot, ay umulan mula sa langit ng apoy at asupre, at nilipol silang lahat: Gayon din naman ang mangyayari sa araw na ang Anak ng tao ay mahayag” (Lucas 17:26–30).

“Pagka ang masama ay lumilitaw na parang damo, at pagka gumiginhawa ang lahat na manggagawa ng kasamaan; ay upang mangalipol sila magpakailan man” (Awit 92:7).

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay naplano nang may katiyakan. Kapag nakakakita Siya ng isang bagay o sitwasyong nagaganap, sa Kanyang mga mata ay mayroong pamantayang magagamit na panukatan nito, at ang pamantayang ito ang magsasabi kung magsasagawa Siya ng isang plano sa pagharap nito o kung anong pamamaraan ang gagamitin sa pagharap sa bagay at sitwasyong ito. Hindi Siya walang pakialam o walang nararamdaman sa lahat ng bagay. Ang totoo ay lubos na kabaligtaran nito. May bersikulo rito na nagpapahayag ng sinabi ng Diyos kay Noe: “Ang wakas ng lahat ng laman ay dumating sa harap Ko; sapagkat ang lupa ay napuno ng karahasan dahil sa kanila; at, narito, sila’y Aking lilipuling kalakip ng lupa.” Nang sinabi ito ng Diyos, ang ibig ba Niyang sabihin ay mga tao lamang ang lilipulin Niya? Hindi! Ang sabi ng Diyos ay lilipulin Niya ang lahat ng nabubuhay na laman. Bakit gusto ng Diyos ang panlilipol? May isa pang pagbubunyag ng disposisyon ng Diyos dito; sa mata ng Diyos, may hangganan ang Kanyang pasensiya sa katiwalian ng tao, sa karumihan, karahasan, at paghihimagsik ng lahat ng laman. Ano ang Kanyang hangganan? Tulad ng sinabi ng Diyos: “At tiningnan ng Diyos ang lupa, at, narito, ito ay tiwali; sapagkat pinasama ng lahat ng laman ang kanilang paglakad sa ibabaw ng lupa.” Ano ang ibig sabihin ng pariralang “sapagkat pinasama ng lahat ng laman ang kanilang paglakad sa ibabaw ng lupa”? Ito ay nangangahulugan na anumang nabubuhay, kasama na ang mga sumusunod sa Diyos, ang mga tumatawag sa pangalan ng Diyos, ang mga minsan ay naghandog ng mga sinunog na alay sa Diyos, ang mga nagsalita ng pagkilala sa Diyos at nagpuri pa sa Diyos—sa sandaling ang kanilang mga asal ay mapuno ng katiwalian at makaabot sa mga mata ng Diyos, kailangan Niyang lipulin sila. Iyan ang hangganan ng Diyos. Kaya hanggang sa anong antas nanatiling pasensyoso ang Diyos sa tao at sa katiwalian ng lahat ng laman? Hanggang sa lahat ng tao, maging mga sumusunod sa Diyos o walang pananampalataya, ay hindi lumalakad sa tamang landas. Hanggang sa ang tao ay hindi lang moral na tiwali at puno ng kasamaan, ngunit wala na ring naniniwalang may Diyos, lalo nang walang naniniwala na ang mundo ay pinaghaharian ng Diyos at makapagdadala ang Diyos ng liwanag at ng tamang landas. Hanggang sa ang tao ay nasuklam sa pag-iral ng Diyos at hindi pinayagang umiral ang Diyos. Sa sandaling umabot sa puntong ito ang katiwalian ng tao, hindi na ito matagalan ng Diyos. Ano ang papalit rito? Ang pagdating ng poot ng Diyos at kaparusahan ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo I

Genesis 19:1–11  At nagsidating ang dalawang anghel sa Sodoma, nang nagtatakip silim; at si Lot ay nakaupo sa pintuang-bayan ng Sodoma: at sila’y nakita ni Lot, at tumindig siya upang salubungin sila; at iniyukod ang mukha paharap sa lupa; At sinabi niya, “Ngayon nga mga panginoon ko, ipinamamanhik ko sa inyo na kayo’y magsipasok sa bahay ng inyong lingkod, at kayo’y manatili sa buong magdamag, at maghugas ng inyong mga paa, at magsipagbangon kayo nang madaling-araw at magpatuloy sa inyong lakad.” At kanilang sinabi, “Hindi; sa lansangan na lamang kami mananahan sa buong magdamag.” At kanyang pinakapilit sila; at sila’y nagsipayag, at nagsipasok sa kanyang bahay; at sila’y kanyang ipinaghanda ng piging, at ipinagluto ng mga tinapay na walang lebadura, at nagsikain. Datapuwat bago sila nagsihiga, ang bahay ay pinalibutan ng mga tao sa bayan, maging ng mga tao sa Sodoma, kapwa bata at matanda, at lahat ng tao sa buong palibot: At kanilang tinawagan si Lot, at sinabi sa kanya, “Saan naroon ang mga lalaking dumating sa iyo ng gabing ito? Ilabas mo sila sa amin upang kilalanin namin sila.” At nilabas sila ni Lot sa pintuan, at isinara ang pinto sa likuran niya. At sinabi niya, “Ipinamamanhik ko sa inyo, mga kapatid ko, na huwag kayong gumawa ng ganyang kasamaan. Narito, ngayon, may dalawa akong anak na babae, na hindi nakakilala ng lalake; ipinamamanhik ko sa inyo, na sila’y aking ilalabas sa inyo, at gawin ninyo sa kanila ang mabuti sa inyong paningin: huwag lamang ninyong gawan ng anuman ang mga lalaking ito; yamang sila’y nasa silong ng aking bubungan.” At sinabi nila, “Umurong ka!” At sinabi pa nila, “Ang taong ito’y naparito upang makipamayan, at ibig niyang maging hukom: ngayon nga’y gagawan ka namin ng lalong masama kaysa kanila.” At kanilang ipinagtulakan ang lalaking si Lot, at nagsilapit upang sirain ang pintuan. Datapuwat iniunat ng mga lalake ang kanilang kamay at binatak si Lot sa loob ng bahay at kanilang sinarhan ang pintuan. At ang mga taong nangasa pintuan ng bahay ay mga pinagbulag nila, ang munti’t malaki: ano pa’t sila’y nangayamot sa paghahanap ng pintuan.

Genesis 19:24–25  Nang magkagayo’y nagpaulan si Jehova sa Sodoma at Gomorra ng asupre at apoy mula kay Jehova na buhat sa langit; at ginunaw Niya ang mga bayang yaon, at ang buong kapatagan at ang lahat ng nananahan sa mga bayang yaon, at ang tumutubo sa lupang yaon.

…………

Mula sa pantaong pananaw, ang Sodoma ay isang lungsod na pinagbibigyang lubos ang nasa at kabuktutan ng tao. Nakatutukso at nakabibighani, na may kasamang tugtugan at sayawan gabi-gabi, ang kasaganaan nito ang nanghalina at nagpahibang sa mga tao. Kinain ng kabuktutan nito ang puso ng mga tao at inakit sila sa pagkabulok. Ito ang lungsod kung saan ang marurumi at masasamang espiritu ay naghuhuramentado; punong-puno ito ng kasalanan at pagpatay at umaalingasaw ang amoy ng dugo at pagkabulok dito. Isa itong lungsod na nakapangingilabot, isang lungsod na lalayuan ng isang tao sa takot. Wala ni isa sa lungsod na ito—mapalalaki man o babae, bata man o matanda—ang naghanap ng tunay na daan; walang naghangad sa liwanag o nag-asam na lumayo sa kasalanan. Namuhay sila sa ilalim ng kontrol ni Satanas, sa ilalim ng kanyang katiwalian at panlilinlang. Nawala nila ang kanilang pagiging tao; nawala nila ang kanilang katinuan, at nawala nila ang orihinal na layunin ng tao sa pag-iral. Nakagawa sila ng hindi mabilang na masasamang gawa ng paglaban sa Diyos; tinanggihan nila ang Kanyang paggabay at sinalungat ang Kanyang kalooban. Ang kanilang masasamang gawa ang unti-unting nagtulak sa mga taong ito, sa buong lungsod at sa bawat nabubuhay rito, sa landas ng pagkawasak.

Bagaman hindi nakatala sa dalawang siping ito ang mga detalye tungkol sa lawak ng katiwalian ng mga mamamayan ng Sodoma, at sa halip ay itinala ang kanilang pakikitungo sa dalawang lingkod ng Diyos matapos ng pagdating ng mga ito sa lungsod, may isang simpleng katunayan na nagbubunyag ng lawak ng pagkatiwali, kabuktutan at paglaban sa Diyos ng mga taga-Sodoma. Dahil dito, ang tunay na mukha at diwa ng mga mamamayan ng lungsod ay nalantad din. Hindi lamang tumanggi ang mga taong ito na tanggapin ang mga babala ng Diyos, hindi rin sila natakot sa Kanyang kaparusahan. Sa kabaligtaran, hinamak nila ang galit ng Diyos. Walang taros na nilabanan nila ang Diyos. Anuman ang gawin Niya o kung paano man Niya iyon ginawa, lalo lamang lumala ang kanilang masamang kalikasan, at paulit-ulit nilang nilabanan ang Diyos. Ang mga taga-Sodoma ay galit sa pag-iral ng Diyos, sa Kanyang pagdating, sa Kanyang kaparusahan, at lalo na sa Kanyang mga babala. Masyado silang naging mapagmataas. Sinisila at pinipinsala nila ang lahat ng taong maaaring silain at pinsalain, at gayundin ang kanilang naging pagtrato sa mga lingkod ng Diyos. Tungkol sa lahat ng masamang gawang ginawa ng mga tao sa Sodoma, ang pagpinsala sa mga lingkod ng Diyos ay maliit na bahagi lamang, at ang kanilang masamang kalikasan na nabunyag nito ay katumbas lamang ng isang maliit na patak sa malawak na dagat. Samakatuwid, pinili ng Diyos na wasakin sila sa pamamagitan ng apoy. Hindi gumamit ang Diyos ng baha, ni hindi Siya gumamit ng bagyo, lindol, tsunami, o iba pang paraan upang wasakin ang lungsod. Ano ang ipinahihiwatig ng paggamit ng Diyos ng apoy upang wasakin ang lungsod na ito? Nangangahulugan ito ng ganap na pagkawasak ng lungsod; ang ibig sabihin nito’y tuluyang naglaho ang lungsod mula sa lupa at sa pag-iral. Dito, ang “pagkawasak” ay hindi lamang tumutukoy sa paglalaho ng porma at istruktura o panlabas na anyo ng lungsod; nangangahulugan din ito na ang mga kaluluwa ng mga taong nasa loob ng lungsod ay tumigil sa pag-iral, at lubos nang nalipol. Sa madaling sabi, lahat ng tao, mga pangyayari at mga bagay na nakaugnay sa lungsod ay nawasak na. Wala nang kasunod na buhay o reinkarnasyon para sa mga tao roon; nilipol na sila ng Diyos mula sa sangkatauhan ng Kanyang nilikha, magpakailanman. Ang paggamit ng apoy ay nagpapahiwatig na nasugpo na ang kasalanan sa lugar na ito, at na nagtapos na ito roon; titigil na sa pag-iral at pagkalat ang kasalanang ito. Nangangahulugan ito na ang kabuktutan ni Satanas ay nawalan na ng matabang lupa nito pati na ng libingan na nagkaloob dito ng lugar kung saan pwede itong manatili at mamuhay. Sa digmaan sa pagitan ng Diyos at ni Satanas, ang paggamit ng Diyos ng apoy ay ang tatak ng Kanyang tagumpay kung saan namarkahan si Satanas. Ang pagkawasak ng Sodoma ay isang malaking kabiguan sa ambisyon ni Satanas na kontrahin ang Diyos sa pamamagitan ng pagtiwali at paglamon sa mga tao; Isa rin itong nakahihiyang tanda ng panahon sa pag-unlad ng sangkatauhan nang tanggihan ng tao ang patnubay ng Diyos at pinabayaan ang sarili niya sa bisyo. Bukod pa rito, isa itong talaan ng tunay na pahayag ng matuwid na disposisyon ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi II

Ang sangkatauhan ay naging tiwali nang sukdulan. Hindi nila kilala kung sino ang Diyos o kung saan sila mismo nagmula. Kapag binanggit mo ang Diyos sa kanila, sila ay mang-aatake, maninirang puri, at manlalapastangan. Kahit na dumating ang mga lingkod ng Diyos upang ipalaganap ang Kanyang babala, hindi lamang nagpakita ng kawalan ng mga tanda ng pagsisisi ang mga tiwaling taong ito at hindi iniwan ang kanilang buktot na asal, bagkus, walang pakundangan nilang sinaktan ang mga lingkod ng Diyos. Ang kanilang ipinahayag at ibinunyag ay ang kanilang kalikasang diwa ng masidhing pagkamapanlaban sa Diyos. Makikita natin na ang paglaban ng mga tiwaling taong ito sa Diyos ay higit pa sa isang pagbubunyag ng kanilang tiwaling disposisyon, gaya ng pagiging higit pa nito sa isang pagkakataon ng paninirang-puri o panunuya na umusbong lamang mula sa kakulangan ng pag-unawa sa katotohanan. Hindi ang kahangalan ni kamangmangan ang nagdulot ng kanilang buktot na asal; hindi ito dahil sa sila ay nalinlang, at tiyak na hindi ito dahil sa sila ay nalihis. Ang kanilang pag-uugali ay nakaabot na sa antas ng pagkagarapal at walang pakundangang paglaban, pagsalungat at pagprotesta laban sa Diyos. Walang dudang ang ganitong uri ng pag-uugali ng tao ay makapagpapagalit sa Diyos, at makapagpapagalit sa Kanyang disposisyon—isang disposisyon na hindi dapat salungatin. Samakatwid, tuwiran at lantarang pinakawalan ng Diyos ang Kanyang poot at ang Kanyang pagiging maharlika; isa itong tunay na pagbubunyag ng Kanyang matuwid na disposisyon. Nahaharap sa isang lungsod na nag-uumapaw sa kasalanan, nagnais ang Diyos na wasakin ito sa pinakamabilis na paraang maaari, upang lipulin ang mga mamamayan sa loob nito at ang lahat ng kanilang mga kasalanan sa pinakaganap na paraan, upang mapatigil sa pag-iral ang mga mamamayan ng lungsod na ito at upang mapigilang lumaganap ang kasalanan sa lugar na ito. Ang pinakamabilis at pinakaganap na paraan ng pagsasagawa nito ay ang tupukin ito ng apoy. Ang saloobin ng Diyos sa mga taga-Sodoma ay hindi pag-abandona o pagsasawalang-bahala; sa halip, ginamit Niya ang Kanyang poot, pagiging maharlika at awtoridad upang parusahan, hampasin at lubos na wasakin ang mga taong ito. Ang saloobin Niya sa kanila ay hindi lamang pisikal na pagwasak kundi pagwasak din ng kaluluwa, isang walang hanggang pagkapuksa. Ito ang tunay na ipinahihiwatig ng pakahulugan ng Diyos sa “tumigil sa pag-iral.”

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi II

Kinamumuhian ng Diyos ang tao dahil ang tao ay mapanlaban sa Kanya, ngunit sa Kanyang puso, ang Kanyang pag-aalaga, pagmamalasakit, at awa para sa sangkatauhan ay hindi kailanman nagbabago. Kahit winasak Niya ang sangkatauhan, ang puso Niya’y nanatiling hindi nagbago. Noong ang sangkatauhan ay puno ng katiwalian at paghihimagsik sa Diyos hanggang sa isang malubhang antas, kinakailangan ng Diyos na wasakin ang sangkatauhang ito, dahil sa Kanyang disposisyon at Kanyang diwa, at alinsunod sa Kanyang mga prinsipyo. Ngunit dahil sa diwa ng Diyos, kinakaawaan pa rin Niya ang sangkatauhan, at nagnanais pa ngang gumamit ng iba’t ibang mga paraan upang manumbalik ang sangkatauhan nang makapagpatuloy silang mabuhay. Gayumpaman, nilalabanan ng tao ang Diyos, patuloy na naghihimagsik laban sa Diyos, at tumatangging tanggapin ang pagliligtas ng Diyos; ibig sabihin, tumatanggi ang tao na tanggapin ang Kanyang mabubuting layunin—kahit paano man siya tinatawag, pinapaalalahanan, tinutustusan, tinutulungan ng Diyos, o paano man nagpaparaya ang Diyos sa kanya, hindi ito nauunawaan o pinahahalagahan ng tao, ni hindi siya nagbibigay-pansin. Sa Kanyang pasakit, hindi pa rin kinakalimutan ng Diyos na ipagkaloob sa tao ang pinakamataas na antas ng Kanyang pagpaparaya, naghihintay sa panunumbalik ng tao. Matapos Niyang maabot ang Kanyang hangganan, ginagawa Niya ang dapat Niyang gawin nang walang anumang alinlangan. Sa madaling salita, may partikular na panahon at proseso mula sa sandaling planuhin ng Diyos na lipulin ang sangkatauhan hanggang sa pormal na pagsisimula ng Kanyang gawain ng paglipol sa sangkatauhan. Umiiral ang ganitong proseso alang-alang sa panunumbalik ng tao, at ito ang huling pagkakataon na ibinibigay ng Diyos sa tao. Kaya, ano ang ginagawa ng Diyos sa panahong ito bago lipulin ang sangkatauhan? Napakaraming gawain ng pagpapaalala at panghihikayat ang ginagawa ng Diyos. Kahit gaano pa katindi ang sakit o pighating pinagdadaanan ng puso ng Diyos, patuloy Niyang ibinibigay ang Kanyang pag-aalaga, malasakit, at masaganang awa sa sangkatauhan.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo I

May hangganan ang pagpapasensiya ng Diyos para sa katiwalian, karumihan at karahasan ng tao. Kapag umabot Siya sa hangganang iyon, hindi na Siya magiging mapagpasensiya at sa halip ay sisimulan na ang Kanyang bagong pamamahala at bagong plano, sisimulan nang gawin ang dapat Niyang gawin, ibunyag ang Kanyang mga gawa at ang kabilang bahagi ng Kanyang disposisyon. Ang pagkilos Niyang ito ay hindi upang ipakita na hindi Siya dapat saktan kailanman ng tao o ipakita na Siya ay puno ng awtoridad at poot, at hindi upang ipakita na kaya Niyang wasakin ang sangkatauhan. Ito ay dahil ang Kanyang disposisyon at ang Kanyang banal na diwa ay hindi na makapagpapahintulot o ubos na ang pasensiya na mamuhay ang ganitong uri ng sangkatauhan sa Kanyang harapan, sa ilalim ng Kanyang kapamahalaan. Kaya, kapag ang buong sangkatauhan ay laban sa Kanya, kapag wala na Siyang maaaring iligtas sa buong mundo, wala na Siyang pasensiya para sa ganitong uri ng sangkatauhan, at isasagawa nang walang anumang pag-aalinlangan ang Kanyang plano—ang wasakin ang ganitong uri ng sangkatauhan. Ang ganitong kilos ng Diyos ay itinakda ng Kanyang disposisyon. Ito ay isang hindi maiiwasang kahihinatnan, at isang kahihinatnan na dapat tiisin ng bawat nilikha sa ilalim ng kapamahalaan ng Diyos. Hindi ba nito ipinakikita na sa kasalukuyang panahon, hindi na mahintay ng Diyos na makumpleto ang Kanyang plano at iligtas ang mga taong nais Niyang iligtas? Sa ilalim ng mga kalagayang ito, ano ang pinakamahalaga sa Diyos? Hindi kung paanong ang mga lubusang hindi sumusunod sa Kanya o ang mga lumalaban sa Kanya ay tinatrato o nilalabanan Siya, o kung paano manirang-puri ang mga tao laban sa Kanya. Ang mahalaga lamang sa Kanya ay kung ang mga sumusunod sa Kanya, ang mga pakay ng Kanyang kaligtasan sa Kanyang plano ng pamamahala, ay nagawa na Niyang ganap, kung naging marapat sila sa Kanyang kaluguran. Para sa mga tao na bukod sa mga sumusunod sa Kanya, naglalaan lamang Siya paminsan-minsan ng kaunting kaparusahan upang ipahayag ang Kanyang poot. Halimbawa: mga tsunami, mga lindol, at mga pagputok ng bulkan. Kasabay nito, malakas din Niyang ipinagtatanggol at inaalagaan ang mga sumusunod sa Kanya at mga malapit na Niyang iligtas. Ang disposisyon ng Diyos ay ito: Sa isang dako, maaari Niyang bigyan ang mga taong balak Niyang gawing ganap ng kasukdulang pagpapasensiya at pagpaparaya, at hintayin sila hangga’t makakaya Niya; sa kabilang dako, matindi ang galit at kinasusuklaman ng Diyos ang mala-Satanas na uri ng tao na hindi sumusunod sa Kanya at lumalaban sa Kanya. Bagama’t wala Siyang pakialam kung itong mga mala-Satanas na uri ay sumusunod sa Kanya o sumasamba sa Kanya, kinamumuhian Niya pa rin sila habang pinagpapasensiyahan sila ng Kanyang puso, at sa Kanyang pagtatakda ng katapusan nitong mga mala-Satanas na uri, hinihintay rin Niya ang pagdating ng mga hakbang ng Kanyang plano ng pamamahala.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo I

Ang Aking gawain ay tatagal lamang ng anim-na-libong taon, at Ako ay nangako na ang pagkontrol niyaong masama sa buong sangkatauhan ay tatagal lang din sa loob ng anim-na-libong taon. Kaya, oras na. Hindi Ko na ipagpapatuloy o ipagpapaliban pa: Sa panahon ng mga huling araw Aking gagapiin si Satanas, babawiin Ko ang lahat ng Aking kaluwalhatian, at babawiin Ko ang lahat ng kaluluwa sa lupa na kabilang sa Akin upang itong mga kaluluwang naghihinagpis ay maaaring makawala sa dagat ng pagdurusa, at sa gayon matatapos na ang Aking buong gawain sa lupa. Simula sa araw na ito, hindi na Ako kailanman magkakatawang-tao sa lupa, at hindi na muling gagawa pa sa lupa ang Aking Espiritu, na may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat. Lilikhain ko na lang muli ang sangkatauhan sa lupa, isang sangkatauhan na ginawang banal at siyang Aking tapat na lungsod sa lupa. Nguni’t alamin ninyo na hindi Ko wawasakin ang buong mundo, hindi Ko rin lilipulin ang buong sangkatauhan. Iingatan Ko yaong natitirang ikatlong bahagi—ang ikatlong bahaging nagmamahal sa Akin at lubusan Kong nalupig, at sila ay Aking gagawing mabunga at pararamihin sa lupa kagaya ng ginawa ng mga Israelita sa ilalim ng kautusan; matatanggap nila ang masaganang tupa at baka na Aking tinutustos sa kanila, pati na ang lahat ng kasaganaan sa lupa. Ang sangkatauhang ito ay mananatili sa Akin magpakailanman, nguni’t hindi ito ang magiging di-mabatang maruming sangkatauhan sa ngayon, kundi isang sangkatauhan na katipunan ng lahat ng Aking nakamit. Ang sangkatauhang iyon ay hindi mapipinsala, magugulo, o makukubkob ni Satanas, at magiging ang tanging sangkatauhan na umiiral sa mundo pagkatapos Kong magtagumpay laban kay Satanas. Ito ang sangkatauhan na nalupig Ko na ngayon at nagtamo ng Aking pangako. At sa gayon, ang sangkatauhan na nalupig sa panahon ng mga huling araw ay siya ring sangkatauhan na matitira at magtatamo ng Aking walang-hanggang mga pagpapala. Ito ang tanging magiging patunay ng Aking tagumpay laban kay Satanas, at ang tanging mga nasamsam sa Aking pakikipaglaban kay Satanas. Itong mga nasamsam sa digmaan ay Aking nailigtas mula sa kapangyarihan ni Satanas, at ang tanging kristalisasyon at bunga ng Aking anim-na-libong-taong plano ng pamamahala. Sila ay nagmula sa bawat nasyon at denominasyon, mula sa bawat lugar at bansa sa buong sansinukob. Sila ay galing sa iba’t ibang lahi, may iba’t ibang wika, kaugalian at mga kulay ng balat, at sila ay nakakalat sa lahat ng bansa at denominasyon sa buong mundo, at maging sa bawat sulok ng mundo. Sa huli, sila ay magsasama-sama upang buuin ang isang ganap na sangkatauhan, isang pagtitipon ng tao na hindi kayang abutin ng mga puwersa ni Satanas.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Walang Sinumang May Katawan ang Makakatakas sa Araw ng Poot

Sinundan: 3. Ngayon, mas lumulubha at dumadalas ang mga sakuna. Ipinapahiwatig ng mga palatandaang ito na magsisimula na ang malalaking sakuna ng mga huling araw na ipinropesiya sa Biblia. Paano tayo magtatamo ng proteksyon ng Diyos at makaliligtas sa gitna ng mga sakunang ito?

Sumunod: 2. Pinatototohanan mo na, sa mga huling araw, ang Makapangyarihang Diyos ay nagpapahayag ng katotohanan at nagsasagawa ng gawain ng paghatol at paglilinis ng tao. Sa pinakahuli, matatamo Niya ang isang grupo ng mga mananagumpay, at pagkatapos ay lilipulin itong luma at masamang kapanahunan, na aakay sa tao sa isang bagong kapanahunan. Maaari mo bang ibahagi nang mas detalyado ang tungkol sa kung paano winawasak ng Diyos ang luma at masamang kapanahunan sa mga huling araw?

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Tanong 16: Sabi n’yo ang Makapangyarihang Diyos ang pagpapakita ng Diyos sa mga huling araw, at ang tunay na daan. Sinasabi n’yo rin na ang Diyos ang lumikha sa mundong ito, at naghahari sa kung anong nangyayari sa daigdig, na ang gawain ng Diyos ang gumabay at nagligtas sa sangkatauhan. Ano ang basehan n’yo para patotohanan ang mga sinasabi n’yo? Kaming mga taga-Partido Komunista ay pawang mga ateista, at hindi kumikilala sa pag-iral ng Diyos o sa paghahari Niya sa lahat. Lalong hindi namin kinikilala ang sinasabi n’yong pagpapakita at gawain ng Diyos na nagkatawang-tao. Ang Jesus na pinaniniwalaan ng Kristiyanismo ay malinaw na isang tao. May mga magulang Siya, at may mga kapatid. Ganunpaman, ang Kristiyanismo ay malinaw na nag-uutos na kilalanin Siyang Cristo, at sambahin bilang Diyos. Talagang hindi ito kapani-paniwala. Kagaya lang ni Jesus ang Makapangyarihang Diyos na pinaniniwalaan N’yo, malinaw na isa lang s’yang ordinaryong tao. Kaya bakit kailangan ninyong ipilit na Siya ang Diyos na nagkatawang-tao? Bakit kailangan n’yong patotohanan na Siya ang Cristong Tagapagligtas ng mga huling araw na naging tao? Talagang kalokohan at kabaliwan ito hindi ba? Hindi totoo na mayroong Diyos sa mundong ito. Lalong hindi totoo na may umiiral na Diyos bilang Diyos na nagkatawang-tao. Buong tapang ninyong sinasabing ang isang ordinaryong tao ay ang Diyos na nagkatawang-tao. Ano ang basehan ng sinasabi n’yong ito? Maipahahayag n’yo ba ang mga saligan, at basehan ng inyong paniniwala?

Sagot: Espiritu ang Diyos. Hindi Siya nakikita o nahahawakan ng tao. Pero maraming ginagawa ang Espiritu ng Diyos, at nagsasabi ng mga...

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito