3. Ang buhay ng mga tao ay matatapos sa isang iglap, sa loob ng ilang dosenang taon. Sa pagbabalik tanaw, inaalala nila ang kanilang buhay: pagpasok sa paaralan, pagtatrabaho, pag-aasawa, pagkakaroon ng mga anak, paghihintay sa kamatayan, ang kanilang buong buhay ay abalang ginugol sa pagsisikap para sa kapakanan ng pamilya, pera, katayuan, suwerte at kasikatan, lubos na walang tunay na direksyon at mga layunin ng pag-iral ng tao, at hindi makahanap ng anumang halaga o kahulugan sa buhay. Kaya’t ang mga tao ay nabubuhay nang sunod-sunod na henerasyon sa pasakit at hungkag na pamamaraang ito. Bakit ang buhay ng mga tao ay napakasaklap at hungkag? At paano malulutas ang kirot at kahungkagan ng pag-iral ng tao?
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Ano ang pinagmulan ng habambuhay na paghihirap mula sa kapanganakan, kamatayan, karamdaman, at pagtanda na tinitiis ng mga tao? Ano ang naging dahilan para magkaroon ng mga bagay na ito ang mga tao? Wala namang ganitong mga bagay ang mga tao noong una silang likhain, hindi ba? Saan, kung gayon, nagmula ang mga bagay na ito? Umiral ang mga bagay na ito matapos tuksuhin ni Satanas ang mga tao at naging masama ang kanilang laman. Ang pananakit ng pantaong laman, ang mga hirap at kahungkagan nito, gayon din ang napakamiserableng mga problema sa mundo ng mga tao ay dumating lamang matapos nagawa nang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan. Matapos gawing tiwali ni Satanas ang mga tao, sinimulan nitong pahirapan sila. Kaya naman, mas lalo silang naging masama. Ang mga karamdaman ng sangkatauhan ay lalo pang lumubha, at ang kanilang pagdurusa ay lalo pang lumala. Higit at higit, nadama ng mga tao ang kahungkagan at trahedya ng mundo ng tao, gayon din ang kanilang kawalan ng kakayahang patuloy na mabuhay roon, at mas lalong nabawasan ang kanilang pag-asa para sa mundo. Sa gayon, ang pagdurusang ito ay ibinagsak ni Satanas sa mga tao.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Kabuluhan ng Pagtikim ng Diyos ng Pagdurusa sa Mundo
Mula nang unang magkaroon ang tao ng agham panlipunan, ang isip ng tao ay naging abala sa agham at kaalaman. Ang agham at kaalaman ay naging mga kagamitan para sa pamumuno ng sangkatauhan, at doon ay wala nang sapat na puwang para sa tao upang sambahin ang Diyos, at walang kanais-nais na mga kondisyon para sa pagsamba sa Diyos. Ang posisyon ng Diyos ay lumubog nang lalo pang mas mababa sa puso ng tao. Kung wala ang Diyos sa kanyang puso, ang panloob na mundo ng tao ay madilim, walang pag-asa, at walang kabuluhan. Dahil dito, lumitaw ang maraming panlipunang siyentipiko, mananalaysay, at mga pulitiko upang magpahayag ng mga teorya ng agham panlipunan, teorya ng ebolusyon ng tao, at iba pang mga teorya na sumasalungat sa katotohanan na nilikha ng Diyos ang tao upang punuin ang puso at isip ng tao. At sa ganitong paraan, ang mga naniniwala na ang Diyos ang lumikha ng lahat ng bagay ay lalo pang nangaunti, at ang mga naniniwala sa teorya ng ebolusyon ay lalo pang dumami ang bilang. Parami nang parami ang mga tao na itinuturing ang mga talaan ng gawain ng Diyos at Kanyang mga salita sa kapanahunan ng Lumang Tipan bilang mga alamat at mga kathang-isip. Sa kanilang mga puso, ang mga tao ay nagwalang-bahala sa karangalan at kadakilaan ng Diyos, sa doktrina na ang Diyos ay umiiral at namamahala sa lahat ng bagay. Ang pagpapanatili ng sangkatauhan at ang kapalaran ng mga bayan at mga bansa ay hindi na mahalaga sa kanila. Nakatira ang tao sa isang walang kabuluhang mundo na ang iniintindi lamang ay pagkain, pag-inom, at ang paghahangad ng kasiyahan. … Iilang tao lang ang umaako sa paghanap kung saan kumikilos ngayon ang Diyos, o naghahanap kung paano Niya pinamumunuan at inaayos ang hantungan ng tao. At sa ganitong paraan, nang hindi namamalayan ng tao, ang sibilisasyon ng tao ay lalo pang nawawalan ng kakayahang tugunan ang mga kagustuhan ng tao, at maraming tao pa nga ang nakararamdam na, sa pamumuhay sa ganitong mundo, sila ay hindi gaanong masaya kung ihahambing sa mga taong yumao na. Maging ang mga tao ng mga dating napakaunlad na sibilisadong bayan ay nagpapahayag ng mga naturang hinaing. Sapagkat kung walang patnubay ng Diyos, gaano man pakaisipin ng mga pinuno at sosyolohista na maingatan ang sibilisasyon ng tao, ito ay walang kabuluhan. Walang sinuman ang makapupuno ng kawalan sa puso ng tao, dahil walang sinuman ang maaaring maging buhay ng tao, at walang teoryang panlipunan ang maaaring magpalaya sa tao mula sa kawalan na nagpapahirap sa kanya. Agham, kaalaman, kalayaan, demokrasya, paglilibang, kaginhawahan, ang mga ito ay nagdadala lamang ng pansamantalang pahinga sa tao. Kahit na mayroong ganitong mga bagay, hindi pa rin maiwasan ng tao na magkasala at dumaing sa kawalang katarungan ng lipunan. Hindi mababawasan ng mga bagay na ito ang pagnanasa at hangarin ng tao na tumuklas. Sapagkat ang tao ay nilalang ng Diyos at ang walang katuturang mga sakripisyo at mga pagtuklas ng tao ay maaari lamang humantong sa mas marami pang pagdurusa at maaari lamang maging dahilan upang ang tao ay umiral sa hindi nagbabagong kalagayan ng pagkatakot, hindi nalalaman kung paano haharapin ang kinabukasan ng sangkatauhan, o kung paano haharapin ang landas sa hinaharap. Maging ang agham at kaalaman ay kinatatakutan ng tao, at higit na kakatakutan ang pakiramdam ng kawalan. Sa mundong ito, ikaw man ay nakatira sa isang malayang bayan o sa isang bayan na walang mga karapatang pantao, ikaw ay ganap na walang kakayahang takasan ang kapalaran ng sangkatauhan. Ikaw man ang pinuno o ang pinamumunuan, ikaw ay ganap na walang kakayahang takasan ang pagnanais na galugarin ang kapalaran, mga hiwaga, at hantungan ng sangkatauhan. Mas lalo ka pang walang kakayahang takasan ang nakalilitong diwa ng kawalan. Ang ganitong mga pangyayari, na karaniwan sa buong sangkatauhan, ay tinatawag ng mga sosyolohista na mga di-pangkaraniwang pangyayari sa lipunan, ngunit walang dakilang taong maaaring lumitaw upang lutasin ang naturang mga problema. Ang tao, kung sabagay, ay tao, at ang posisyon at buhay ng Diyos ay hindi mapapalitan ng sinumang tao. Ang sangkatauhan ay hindi lang basta nangangailangan ng isang makatarungang lipunan kung saan lahat ng tao ay kumakain nang sapat at pantay-pantay at malaya. Ang kailangan ng sangkatauhan ay ang kaligtasan ng Diyos at ang Kanyang pagbibigay ng buhay sa kanila. Kapag natatanggap ng tao ang ibinibigay na buhay ng Diyos at ang Kanyang kaligtasan, saka lamang malulutas ang mga pangangailangan, kasabikang tumuklas, at espirituwal na kawalan ng tao. Kung ang mga tao ng isang bayan o ng isang bansa ay hindi makatatanggap ng pagliligtas at pag-aalaga ng Diyos, tatahakin ng bansa o bayang iyon ang landas tungo sa pagdalisdis, patungo sa kadiliman, at lilipulin ito ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 2: Ang Diyos ang Namumuno sa Kapalaran ng Buong Sangkatauhan
May ilang tao na may malalim at taos-pusong nadaramang pagkaunawa sa pariralang “ganyan ang kapalaran,” subalit hindi sila nananalig man lamang sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos; hindi sila naniniwala na ang kapalaran ng tao ay inihanda at isinaayos ng Diyos, at hindi sila handang magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Ang mga ganoong tao ay para bang natangay ng agos ng dagat, ihinampas ng mga alon, lumulutang sa agos, at walang magawa kundi ang maghintay nang walang kibo at isuko ang kanilang mga sarili sa kapalaran. Ngunit hindi nila nakikilala na ang kapalaran ng tao ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos; hindi nila kayang matalos ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa sarili nilang pagkukusa, at nang sa gayon ay makamit ang kaalaman tungkol sa awtoridad ng Diyos, magpasakop sa mga pagsasaayos at paghahanda ng Diyos, huminto sa paglaban sa kapalaran, at mabuhay sa ilalim ng pangangalaga, proteksyon, at paggabay ng Diyos. Sa ibang salita, ang pagtanggap sa kapalaran ay hindi katulad ng pagpapasakop sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha; ang paniniwala sa kapalaran ay hindi nangangahulugang tinatanggap, kinikilala, at nalalaman ng isang tao ang kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha; ang paniniwala sa kapalaran ay pagkilala lamang sa katotohanan nito at sa panlabas na pagpapamalas nito. Iba ito sa pagkakaalam kung paano pinamamahalaan ng Lumikha ang kapalaran ng sangkatauhan, mula sa pagkilala na ang Lumikha ang pinagmumulan ng pamamahala sa lahat ng kapalaran ng lahat ng bagay, at tiyak na malayo sa pagpapasailalim sa mga pagsasaayos at paghahanda ng Lumikha para sa kapalaran ng sangkatauhan. Kung ang isang tao ay naniniwala lamang sa kapalaran—kahit na matindi ang paniniwala niya dito—ngunit hindi nalalaman, nakikilala, nagpapasailalim, at tinatanggap ang kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha sa kapalaran ng sangkatauhan, kung gayon ang buhay niya ay magiging isang trahedya, isang buhay na isinasabuhay nang walang saysay, isang kahungkagan; siya ay hindi pa rin mapapasailalim sa pangingibabaw ng Lumikha, upang maging isang nilikhang tao sa pinakatotoong kahulugan ng parirala, at tamasahin ang pagsang-ayon ng Lumikha. Ang isang tao na tunay na nakatatalos at nakakaranas sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha ay dapat aktibo, hindi walang-kibo o nasa kawalang-kakayahang kalagayan. Kahit na tinatanggap ng taong ito na ang lahat ng bagay ay itinadhana, siya ay dapat magtaglay ng isang tumpak na kahulugan ng buhay at kapalaran: na ang bawat buhay ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha. Kapag nililingon ng isang tao ang daan na kanyang tinahak, kapag ginugunita niya ang bawat yugto ng kanyang paglalakbay, makikita niya na sa bawat hakbang, nakakapagod man o magaan ang kanyang paglalakbay, ang Diyos ay gumagabay sa landas ng isang tao at pinaplano ito. Ang maingat na mga pagsasaayos ng Diyos, ang Kanyang maingat na pagpaplano, ang umakay sa tao, nang hindi niya nalalaman, tungo sa ngayon. Ang tanggapin ang kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha at tanggapin ang Kanyang pagliligtas—anong dakilang kayamanan iyon! Kapag negatibo ang saloobin ng isang tao sa kapalaran, pinapatunayan nito na siya ay tumututol sa lahat ng bagay na isinaayos ng Diyos para sa kanya, na siya ay walang nagpapasakop na saloobin. Kapag ang saloobin ng isang tao sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa kapalaran ng tao ay positibo, kapag nagbalik-tanaw siya sa sarili niyang paglalakbay, kapag tunay niyang nauunawaan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, mas marubdob niyang nanaisin na magpasakop sa lahat ng isinasaayos ng Diyos, magkakaroon ng mas matibay na determinasyon at pagtitiwala na hayaan ang Diyos na isaayos ang kanyang kapalaran, at huminto sa pagrerebelde laban sa Diyos. Sapagkat nakikita ng isang tao na kapag hindi niya naiintindihan ang kapalaran, kapag hindi niya nauunawaan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, kapag nangangapa siya nang pasulong nang kusang-loob, pasuray-suray at pagiray-giray sa kalituhan, ang paglalakbay ay napakahirap at masyadong nakakasakit ng damdamin. Kaya kapag nakikilala ng mga tao ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa kapalaran ng tao, pinipili ng matatalino na alamin at tanggapin ito, na magpaalam sa masasakit na araw nang sinubukan nilang magtatag ng isang mabuting buhay sa sarili nilang mga kamay, na tigilan ang pakikipagbuno laban sa kapalaran at ang paghahangad ng kanilang tinatawag na “mga layunin sa buhay” sa sarili nilang kaparaanan. Kapag walang Diyos ang isang tao, kapag hindi niya Siya nakikita, kapag hindi niya malinaw na nakikilala ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, ang bawat araw ay walang kabuluhan, walang halaga, kahabag-habag. Saanman naroroon ang isang tao, anuman ang trabaho niya, ang paraan ng paghahanap-buhay niya at ang pagsisikap niya sa sariling mga layunin ay nagdadala lamang sa kanya ng walang-katapusang sakit sa damdamin at di-maibsang pagdurusa, hanggang sa hindi na siya makalingon sa nakaraan. Sa pamamagitan lamang ng pagtanggap ng isang tao sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, pagpapasailalim sa Kanyang mga pagsasaayos at paghahanda, at paghahanap sa tunay na buhay ng tao siya unti-unting makakalaya mula sa lahat ng sakit ng damdamin at pagdurusa, at maiibsan ng lahat ng kahungkagan sa buhay.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III
Dahil hindi nakikilala ng mga tao ang pagsasaayos ng Diyos at ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, palagi nilang hinaharap ang kapalaran nang may pagtanggi at mapanghimagsik na saloobin, at palaging nais isantabi ang awtoridad at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at ang mga bagay na inilaan ng kapalaran, umaasa nang walang-saysay na mababago ang kanilang kasalukuyang mga kalagayan at mapapalitan ang kanilang kapalaran. Subalit hindi sila kailanman magtatagumpay at nahahadlangan sila sa bawat liko. Ang pakikibakang ito na nagaganap sa kaibuturan ng sariling kaluluwa ay nagdudulot ng matinding sakit na tila tagos hanggang buto habang unti-unti niyang inaaksaya ang kanyang buhay. Ano ang sanhi ng sakit na ito? Dahil ba sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, o dahil sa ang tao ay ipinanganak na hindi maswerte? Malinaw na alinman dito ay hindi totoo. Pangunahin na ito ay dahil sa mga landas na tinatahak ng mga tao, sa mga paraan na pinili ng mga tao na isabuhay ang kanilang mga buhay. May ilang tao na maaaring hindi nakatanto ng mga bagay na ito. Subalit kapag tunay mong nalalaman, kapag tunay mong nakikilala na ang Diyos ay may kataas-taasang kapangyarihan sa kapalaran ng tao, kapag tunay mong nauunawaan na ang lahat ng pinlano at pinagpasyahan ng Diyos para sa iyo ay isang malaking benepisyo at proteksyon, kung gayon unti-unting mapapawi ang iyong sakit, at ang buo mong pagkatao ay walang tensyon, malaya, may kasarinlan. Batay sa mga kalagayan ng karamihan sa mga tao, hindi nila kayang tanggapin sa katunayan ang praktikal na halaga at kahulugan ng kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha sa kapalaran ng tao, bagaman sa personal na lebel, ayaw na nilang patuloy na mamuhay gaya ng dati at nais nila ng ginhawa mula sa kanilang sakit; talagang hindi nila kayang tunay na makilala at magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, at lalong hindi alam kung paano hahanapin at tatanggapin ang mga pagsasaayos at paghahanda ng Lumikha. Kung kaya, kapag hindi talaga makilala ng mga tao ang katotohanan na ang Lumikha ay may kataas-taasang kapangyarihan sa kapalaran ng tao at sa lahat ng bagay na pantao, kung hindi sila tunay na makapagpapasakop sa pangingibabaw ng Lumikha, kung gayon ay magiging mahirap para sa kanila na hindi madala at hindi mapigilan ng ideya na “ang kapalaran ng isang tao ay nasa kanyang sariling mga kamay.” Magiging mahirap para sa kanila na pagpagin ang sakit ng kanilang matinding pakikibaka laban sa kapalaran at sa awtoridad ng Lumikha, at hindi man kailangang sabihin, magiging mahirap din para sa kanila na maging tunay na napalaya at nakalagan, na maging mga taong sumasamba sa Diyos. Ngunit may napakasimpleng paraan upang mapalaya ang sarili mula sa ganitong kalagayan: ang magpaalam sa dating sariling paraan ng pamumuhay; ang magpaalam sa sariling dating mga layunin sa buhay, at ibuod at suriin ang dating istilo ng pamumuhay, pananaw sa buhay, mga pagsusumikap, mga pagnanais, at mga minimithi; at pagkatapos ay ihambing ang mga ito sa kalooban at mga hinihingi ng Diyos sa tao, at tingnan kung tugma ang alinman sa mga ito sa kalooban at mga hinihingi ng Diyos, kung may alinman sa mga ito ang naghahatid ng mga tamang prinsipyo sa buhay, nagdadala sa isang tao sa isang mas malaking pagkaunawa sa katotohanan, at nagtutulot sa kanya na mabuhay nang may pagkatao at kawangis ng tao. Kapag paulit-ulit mong sinisiyasat at maingat na sinusuri ang iba’t ibang layunin sa buhay na pinagsisikapan ng mga tao at ang kanilang di-mabilang na paraan ng pamumuhay, matutuklasan mo na ni isa sa kanila ay hindi akma sa orihinal na layon ng Lumikha nang Kanyang likhain ang sangkatauhan. Lahat ng ito ay naglalayo sa mga tao mula sa kataas-taasang kapangyarihan at pangangalaga ng Lumikha; lahat ng ito ay mga bitag na nagsasanhi na maging napakasama ng mga tao, at naghahatid sa kanila sa impiyerno. Matapos mong makilala ito, ang tungkulin mo ay isantabi ang iyong lumang pananaw sa buhay, manatiling malayo sa sari-saring mga patibong, hayaan ang Diyos na mamahala sa iyong buhay at gumawa ng mga pagsasaayos para sa iyo; ito ay para subukan lamang na magpasakop sa mga pagsasaayos at paggabay ng Diyos, na mamuhay na hindi gumawa ng pagpili bilang isang indibiduwal, at maging isang tao na sumasamba sa Diyos. Mukhang madali ito, ngunit isang bagay ito na mahirap gawin. Kayang tiisin ng ilang tao ang sakit nito, ang iba’y hindi. May ilan na handang sumunod, ang iba ay hindi. Ang mga hindi handa ay kulang sa pagnanais at sa kapasiyahan na gawin ito; malinaw na batid nila ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, alam na alam nila na ang Diyos ang Siyang nagpaplano at nagsasaayos ng kapalaran ng tao, gayunman ay patuloy silang sumisipa at nakikibaka at nanatiling hindi umaayon na ilagay ang kanilang mga kapalaran sa palad ng Diyos at magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, dagdag pa rito, naghihinanakit sila sa mga pagsasaayos at paghahanda ng Diyos. Kung kaya palaging magkakaroon ng ilang tao na nagnanais makita para sa kanilang mga sarili kung ano ang kaya nilang gawin; nais nilang baguhin ang kanilang mga kapalaran sa sarili nilang mga kamay, o makamit ang kaligayahan sa ilalim ng kanilang sariling kapangyarihan, upang makita kung malalampasan nila ang hangganan ng awtoridad ng Diyos at pangibabawan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Ang trahedya sa tao ay hindi ang paghahanap niya ng maligayang buhay, hindi sa hinahangad niya ang katanyagan at tagumpay o mga pakikibaka laban sa kanyang sariling kapalaran sa kalituhan, kundi pagkatapos niyang makita ang pag-iral ng Lumikha, matapos niyang matutuhan ang katotohanan na ang Lumikha ang may kataas-taasang kapangyarihan sa kapalaran ng tao, hindi pa rin niya maiwasto ang kanyang mga nakagawian, hindi niya maalis ang kanyang mga paa sa pusali, ngunit pinatitigas ang kanyang puso at nagpupumilit sa kanyang mga pagkakamali. Mas nanaisin pa niyang magpatuloy na maglupasay sa putikan, matigas ang ulong nakikipagpaligsahan sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, nilalabanan ito hanggang sa mapait na katapusan, nang wala ni katiting na pagsisisi. Magpapasya lamang siyang sumuko at bumalik kapag siya’y nakahiga nang wasak at nagdurugo. Ito ang tunay na pighati ng tao. Kaya sinasabi Ko, ang mga pumipili na magpasakop ay matatalino, at ang mga pumipili na makipagbuno at tumakas ay hangal.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III