7. Sinasabi mo na ang Panginoong Jesus ay bumalik sa katawang-tao, sa anyo ng isang taong Tsino. Hindi namin matatanggap iyon. Ayon sa nakasulat sa Biblia, ang Panginoong Jesus ay umalis sa anyo ng isang Hudyo, kaya naniniwala kami na kapag ang Panginoon ay bumalik sa mga huling araw, dapat ay nasa anyo rin ito ng isang Judio. Paanong dumating Siya sa anyo ng isang taong Tsino?
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Yamang ang Diyos ang pinakadakila sa buong sansinukob at sa ibabaw nito, lubos ba Niyang maipaliliwanag ang Kanyang Sarili gamit ang larawan ng isang katawang-tao? Ibinihis ng Diyos ang katawang-taong ito para gawin ang isang yugto ng Kanyang gawain. Walang partikular na kahulugan sa larawang ito ng katawang-tao, wala itong kaugnayan sa paglipas ng mga kapanahunan, at wala ring anumang kinalaman sa disposisyon ng Diyos. Bakit hindi hinayaan ni Jesus na manatili ang Kanyang larawan? Bakit hindi Niya hinayaan ang tao na iguhit ang Kanyang larawan para ito ay maipasa sa susunod na mga salinlahi? Bakit hindi Niya pinahintulutan ang mga tao na kilalanin na ang Kanyang larawan ay ang larawan ng Diyos? Bagama’t ang larawan ng tao ay nilikha sa larawan ng Diyos, magiging posible bang katawanin ng anyo ng tao ang marangal na larawan ng Diyos? Kapag ang Diyos ay nagkakatawang-tao, bumababa lamang Siya mula sa langit patungo sa isang partikular na katawang-tao. Ang Kanyang Espiritu ang bumababa sa isang katawang-tao, sa pamamagitan nito Niya ginagawa ang gawain ng Espiritu. Ang Espiritu ang ipinapahayag sa katawang-tao, at ang Espiritu ang gumagawa ng Kanyang gawain sa katawang-tao. Lubos na kinakatawan ng gawaing ginawa sa katawang-tao ang Espiritu, at ang katawang-tao ay para sa kapakanan ng gawain, ngunit hindi iyon nangangahulugan na ang larawan ng katawang-tao ay maaaring ipalit sa tunay na larawan ng Diyos Mismo; hindi ito ang layunin at kahalagahan ng Diyos na nagkatawang-tao. Siya ay nagiging tao para lamang magkaroon ang Espiritu ng isang lugar na matitirhan na angkop sa Kanyang paggawa, upang mas mabuti Niyang matamo ang Kanyang gawain sa katawang-tao, upang makita ng mga tao ang Kanyang mga gawa, maunawaan ang Kanyang disposisyon, mapakinggan ang Kanyang mga salita, at malaman ang himala ng Kanyang gawain. Kinakatawan ng Kanyang pangalan ang Kanyang disposisyon, kinakatawan ng Kanyang gawain ang Kanyang pagkakakilanlan, ngunit hindi Niya kailanman sinabi na kinakatawan ng Kanyang anyo sa katawang-tao ang Kanyang larawan; yaon ay isa lamang kuru-kuro ng tao. At kaya, ang pinakamahahalagang aspeto ng pagkakatawang-tao ng Diyos ay ang Kanyang pangalan, ang Kanyang gawain, ang Kanyang disposisyon, at ang Kanyang kasarian. Ginagamit ang mga ito upang kumatawan sa Kanyang pamamahala sa kapanahunang ito. Ang Kanyang anyo sa katawang-tao ay walang kinalaman sa Kanyang pamamahala, at para lamang sa kapakanan ng Kanyang gawain sa panahong yaon. Ngunit imposible para sa Diyos na nagkatawang-tao na hindi magkaroon ng partikular na anyo, at kaya pinipili Niya ang angkop na sambahayan upang pagpasyahan ang Kanyang anyo. Kung ang anyo ng Diyos ay mayroong kinatawang kabuluhan, ang lahat ng nagtataglay ng mga katangian ng mukha na kapareho ng sa Kanya ay kakatawan din sa Diyos. Hindi ba iyon isang napakalaking pagkakamali? Ang larawan ni Jesus ay iginuhit ng tao upang ang tao ay maaaring sumamba sa Kanya. Sa panahong iyon, walang natatanging mga tagubilin na ibinigay ang Banal na Espiritu, at kaya ipinasa ng tao ang naguni-guning larawang iyon hanggang sa kasalukuyan. Sa katunayan, alinsunod sa orihinal na intensyon ng Diyos, hindi ito dapat ginawa ng tao. Tanging ang sigasig ng tao ang naging sanhi na manatili ang larawan ni Jesus hanggang sa kasalukuyan. Ang Diyos ay Espiritu, at hindi kailanman magagawa ng tao na malagom kung ano ang Kanyang larawan sa huling pagsusuri. Ang Kanyang larawan ay maaari lamang katawanin ng Kanyang disposisyon. Hindi mo magagawang malagom ang anyo ng Kanyang ilong, ng Kanyang bibig, ng Kanyang mga mata, at ng Kanyang buhok. Nang dumating ang paghahayag kay Juan, nakita niya ang larawan ng Anak ng tao: Mula sa Kanyang bibig ay may isang matalas na espada na mayroong magkabilang talim, ang Kanyang mga mata ay kagaya ng ningas ng apoy, ang Kanyang ulo at buhok ay puting kagaya ng lana, ang Kanyang mga paa ay parang pinakintab na tanso, at mayroong isang ginintuang laso na nakapalibot sa Kanyang dibdib. Bagama’t ang Kanyang mga salita ay napakatingkad, ang larawan ng Diyos na kanyang inilarawan ay hindi ang larawan ng isang nilalang. Ang kanyang nakita ay isang pangitain lamang, at hindi ang larawan ng isang tao mula sa materyal na mundo. Si Juan ay nakakita ng isang pangitain, ngunit hindi niya nasaksihan ang tunay na anyo ng Diyos. Ang larawan ng nagkatawang-taong laman ng Diyos, yamang larawan ng isang nilikha, ay walang kakayahan na kumatawan sa disposisyon ng Diyos sa kabuuan nito. Nang nilikha ni Jehova ang sangkatauhan, Kanyang sinabi na Kanyang ginawa ito sa Kanyang larawan at nilikha ang lalaki at babae. Sa panahong iyon, Kanyang sinabi na Kanyang ginawa ang lalaki at babae sa larawan ng Diyos. Bagama’t ang larawan ng tao ay nakakahawig ng larawan ng Diyos, hindi ito maaaring ipakahulugan na ang anyo ng tao ay ang larawan ng Diyos. Hindi mo rin maaaring gamitin ang wika ng tao upang ganap na ibuod ang larawan ng Diyos, sapagkat ang Diyos ay napakarangal, napakadakila, napakahiwaga at hindi maaarok!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos 3
Kinakailangang umalis sa daigdig ang laman ng nagkatawang-taong Diyos kapag nakumpleto na ang gawain na kailangan Niyang gawin, sapagkat dumarating lamang Siya upang gawin ang gawain na dapat Niyang gawin, at hindi upang ipakita sa mga tao ang Kanyang larawan. Kahit na ang kabuluhan ng pagkakatawang-tao ay natupad na ng Diyos nang dalawang beses Siyang maging tao, hindi pa rin Niya lantarang ipapamalas ang Kanyang sarili sa anumang bansa na kailanman ay hindi pa Siya nakita. Hindi na kailanman muling ipapakita ni Jesus ang Kanyang Sarili sa mga Judio bilang ang Araw ng katuwiran, ar hindi na rin Siya aakyat sa Bundok ng mga Olibo at magpapakita sa lahat ng tao; ang nakita lamang ng mga Judio ay ang larawan ni Jesus sa Kanyang panahon sa Judea. Ito ay dahil ang gawain ni Jesus na nagkatawang-tao ay natapos na dalawang libong taon na ang nakakaraan; hindi Siya babalik sa Judea sa larawan ng isang Judio, lalo nang hindi Niya ipapakita ang Kanyang sarili sa larawan ng isang Judio sa alinman sa mga bansang Gentil, sapagkat ang larawan ni Jesus na nagkatawang-tao ay ang larawan lamang ng isang Judio, at hindi ang larawan ng Anak ng tao na nakita ni Juan. Bagama’t ipinangako ni Jesus sa Kanyang mga tagasunod na Siya ay muling darating, hindi Niya basta ipapakita ang Kanyang Sarili sa larawan ng isang Judio sa lahat ng nasa mga bansang Gentil. Dapat ninyong malaman na ang gawain ng Diyos na naging tao ay ang magbukas ng isang bagong kapanahunan. Ang gawaing ito ay limitado sa iilang taon, at hindi Niya matatapos ang lahat ng gawain ng Espiritu ng Diyos, kapareho ng kung paanong ang larawan ni Jesus bilang isang Judio ay maaari lamang kumatawan sa larawan ng Diyos noong gumawa Siya sa Judea, at ang maaari lamang Niyang gawin ay ang gawain ng pagpapapako sa krus. Noong panahon na si Jesus ay nagkatawang-tao, hindi Niya maaaring gawin ang gawain ng paghahatid ng kapanahunan sa isang katapusan o pagwasak sa sangkatauhan. Samakatuwid, pagkatapos Niyang maipako sa krus at matapos ang Kanyang gawain, umakyat Siya sa kaitaasan at ikinubli ang Kanyang sarili mula sa tao magpakailanman. Mula noon, ang mga tapat na mananampalataya sa mga bansang Gentil ay hindi nakakita ng pagpapamalas ng Panginoong Jesus, at nakita lamang ang larawan Niya na inilagay nila sa mga pader. Ang larawan na ito ay isa lamang guhit ng tao, at hindi ang larawan na ipinakita ng Diyos Mismo sa tao. Hindi lantarang ipapakita ng Diyos ang Kanyang Sarili sa maraming tao sa larawan nang Siya ay dalawang beses na nagkatawang-tao. Ang gawaing ginagawa Niya sa sangkatauhan ay ang tulutan silang maunawaan ang Kanyang disposisyon. Itong lahat ay ipinapakita sa tao sa pamamagitan ng gawain ng iba’t ibang kapanahunan; natutupad ito sa pamamagitan ng disposisyon na ipinaalam Niya at ng gawaing Kanyang isinakatuparan, sa halip na sa pamamagitan ng pagpapakita ni Jesus. Ibig sabihin, ang larawan ng Diyos ay hindi ipinapaalam sa tao sa pamamagitan ng nagkatawang-taong larawan, kundi sa pamamagitan ng gawain na isinagawa ng Diyos na nagkatawang-tao na may kapwa larawan at anyo; at sa pamamagitan ng Kanyang gawain, ang Kanyang larawan ay ipinapakita at ang Kanyang disposisyon ay ipinapaalam. Ito ang kahalagahan ng gawain na nais Niyang gawin sa katawang-tao.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao 2
Kami ni Jesus ay nagmumula sa iisang Espiritu. Bagama’t wala Kaming kaugnayan sa Aming katawang-tao, iisa ang Aming Espiritu; bagama’t ang nilalaman ng Aming ginagawa at ang gawaing Aming ginagawa ay hindi magkapareho, magkatulad Kami sa diwa; ang Aming katawang-tao ay magkaiba ang anyo, ngunit dahil ito sa pagbabago sa kapanahunan at sa magkakaibang mga kinakailangan ng Aming gawain; hindi magkapareho ang Aming ministeryo, kaya magkaiba rin ang gawaing hatid Namin at ang disposisyong inihahayag Namin sa tao. Kaya nga ang nakikita at nauunawaan ng tao sa araw na ito ay hindi katulad noong araw, na dahil sa pagbabago sa kapanahunan. Sa lahat ng iyan ay magkaiba Sila sa kasarian at sa anyo ng Kanilang katawang-tao, at hindi Sila isinilang sa iisang pamilya, at lalo nang hindi sa iisang panahon, magkagayunman ay iisa ang Kanilang Espiritu. Sa lahat ng iyan ay hindi magkapareho ang dugo ni ang anumang uri ng pisikal na pagiging magkamag-anak, hindi maikakaila na Sila ay mga nagkatawang-taong laman ng Diyos sa dalawang magkaibang panahon. Hindi mapabubulaanan ang katotohanan na Sila ang mga nagkatawang-taong laman ng Diyos. Subalit, hindi Sila magkadugo at magkaiba ang kanilang wika (ang isa ay lalaki na nagsasalita ng wika ng mga Judio at ang isa naman ay babae na nagsasalita lamang ng Tsino). Ito ang mga dahilan kaya Sila namuhay sa magkaibang bansa upang gawin ang gawaing kinakailangang gawin ng bawat isa, at sa magkaibang panahon din. Sa kabila ng katunayan na Sila ay iisang Espiritu, may magkaparehong diwa, walang ganap na mga pagkakatulad sa panlabas na balat ng Kanilang katawang-tao. Magkatulad lamang Sila sa pagkatao, ngunit pagdating sa panlabas na hitsura ng Kanilang katawang-tao at ang sitwasyon ng Kanilang kapanganakan, hindi Sila magkatulad. Walang epekto ang mga bagay na ito sa kanya-kanyang gawain Nila o sa kaalaman ng tao tungkol sa Kanila, sapagkat, matapos isaalang-alang ang lahat, iisa Silang Espiritu at walang makapaghihiwalay sa Kanila. Bagama’t hindi Sila magkadugo, ang Kanilang buong katauhan ay nasa pamamahala ng Kanilang Espiritu, na naglalaan sa Kanila ng magkaibang gawain sa magkaibang panahon, at ang Kanilang mga katawang-tao ay sa magkaibang linya ng dugo. Ang Espiritu ni Jehova ay hindi ang ama ng Espiritu ni Jesus, at ang Espiritu ni Jesus ay hindi ang anak ng Espiritu ni Jehova: Iisa Sila at pareho ang Espiritu. Gayundin, ang Diyos na nagkatawang-tao ng ngayon at si Jesus ay hindi magkadugo, ngunit iisa Sila, ito ay dahil iisa ang Kanilang Espiritu.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ginagawang Ganap ng Dalawang Pagkakatawang-tao ang Kabuluhan ng Pagkakatawang-tao
Hindi mahirap magsiyasat tungkol sa gayong bagay, ngunit kinakailangan nito na malaman ng bawat isa sa atin ang katotohanang ito: Siya na Diyos na nagkatawang-tao ay magtataglay ng diwa ng Diyos, at Siya na Diyos na nagkatawang-tao ay magtataglay ng pahayag ng Diyos. Dahil ang Diyos ay naging tao, ilalahad Niya ang gawaing layon Niyang gawin, at dahil ang Diyos ay naging tao, ipapahayag Niya kung ano Siya, at magagawa Niyang ihatid ang katotohanan sa tao, pagkalooban siya ng buhay, at ituro ang daan para sa kanya. Ang katawang-tao na walang diwa ng Diyos ay tiyak na hindi ang Diyos na nagkatawang-tao; walang duda ito. Kung layon ng tao na magsiyasat kung ito ang katawang-tao ng Diyos, kailangan niyang patunayan ito mula sa disposisyon na Kanyang ipinapahayag at sa mga salitang Kanyang sinasambit. Ibig sabihin, patunayan kung ito nga ang katawang-tao ng Diyos o hindi, at kung ito nga ang tunay na daan o hindi, kailangan itong matukoy batay sa Kanyang diwa. Kaya nga, sa pagtukoy kung ito ang katawan ng Diyos na nagkatawang-tao, ang sagot ay nasa Kanyang diwa (Kanyang gawain, Kanyang mga pagbigkas, Kanyang disposisyon, at maraming iba pang aspeto), sa halip na sa panlabas na anyo. Kung ang susuriin lamang ng tao ay ang Kanyang panlabas na anyo, at dahil dito ay hindi napansin ang Kanyang diwa, ipinapakita niyan na ang tao ay mangmang at walang alam. Hindi matutukoy ang diwa sa panlabas na anyo; bukod pa riyan, ang gawain ng Diyos ay hindi kailanman maaaring umayon sa mga kuru-kuro ng tao. Hindi ba ang panlabas na anyo ni Jesus ay salungat sa mga kuru-kuro ng tao? Hindi ba ang Kanyang mukha at pananamit ay hindi nakapagbigay ng anumang mga palatandaan tungkol sa Kanyang tunay na identidad? Hindi ba kinontra ng mga sinaunang Fariseo si Jesus dahil mismo sa tiningnan lamang nila ang Kanyang panlabas na anyo, at hindi nila isinapuso ang mga salitang nagmula sa Kanyang bibig? Inaasahan Ko na hindi na uulitin ng bawat isang kapatid na naghahangad sa pagpapakita ng Diyos ang trahedya ng kasaysayan. Huwag kayong maging mga Fariseo ng makabagong panahon na muling magpapako sa Diyos sa krus. Dapat ninyong isiping mabuti kung paano malugod na sasalubungin ang pagbabalik ng Diyos, at dapat kayong magkaroon ng malinaw na isipan kung paano maging isang taong nagpapasakop sa katotohanan. Ito ang responsibilidad ng bawat isang naghihintay na bumalik si Jesus sakay ng ulap.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paunang Salita