3. Sa Biblia, sinabi ni Pablo, “Ang bawa’t kaluluwa ay pasakop sa matataas na kapangyarihan: sapagka’t walang kapangyarihan na hindi mula sa Dios; at ang mga kapangyarihang yao’y hinirang ng Dios. Kaya nga’t ang sumasalangsang sa kapangyarihan, ay sa utos ng Dios sumasalangsang: at ang mga nagsisalangsang ay magsisitanggap ng kahatulan sa kanilang sarili” (Roma 13:1–2). Kung isasagawa ang mga salita ni Pablo, dapat tayong magpasakop sa mga namumunong kapangyarihan sa lahat ng bagay. At gayon pa man, ang ateistikong gobyerno ng CCP ay umuusig sa relihiyosong paniniwala sa buong kasaysayan nito. Galit ito sa Diyos, at hindi lamang sa hindi nito pinapayagan na maniwala tayo sa Panginoon, ngunit inaaresto at inuusig din nito ang mga nagpapalaganap ng ebanghelyo at nagpapatotoo sa Diyos. Kung yuyuko tayo sa gobyernong Komunista ng China, titigil sa paniniwala sa Panginoon, at ihihinto ang pagpapalaganap ng ebanghelyo at pagpapatotoo sa Diyos, hindi ba tayo tatayo sa panig ni Satanas sa pamamagitan ng paglaban at pagtalikod sa Panginoon? Hindi ko talaga maintindihan ito: Ano talaga ang dapat kong gawin upang makasunod sa kalooban ng Panginoon sa mga usapin tungkol sa naghaharing kapangyarihan?
Sagot:
Ang sabi ni Pablo: “Ang bawa’t kaluluwa ay pasakop sa matataas na kapangyarihan: sapagka’t walang kapangyarihan na hindi mula sa Dios; at ang mga kapangyarihang yao’y hinirang ng Dios. Kaya nga’t ang sumasalangsang sa kapangyarihan, ay sa utos ng Dios sumasalangsang: at ang mga nagsisalangsang ay magsisitanggap ng kahatulan sa kanilang sarili” (Roma 13:1–2). Dahil sinabi ni Pablo ang mga salitang ito, marami sa mga mananampalataya ng Panginoon ang nag-iisip na ang mga namamahalang awtoridad ay inorden ng Diyos, at na ang pagsunod sa kanila ay pagsunod sa Diyos. Iniisip pa nga ng ilan na gaano man subukang hadlangan at pigilan ng mga awtoridad ang kanilang pananampalataya sa Diyos, dapat pa rin silang sundin ng mga tao, at ang pagsuway sa kanila ay pagsalungat sa Diyos. Tama ba ang gayong mga pananaw? Umaayon ba ang mga ito sa kalooban ng Diyos? Sa katunayan, mula sa Kapanahunan ng Kautusan hanggang sa Kapanahunan ng Biyaya, walang sinabi ang Diyos na dapat magpasakop ang mga tao sa mga kapangyarihang umiiral. Sa Kapanahunan ng Kautusan, ang kalaban ng mga Israelita ay ang faraon ng Egipto; siya ang nasa kapangyarihan noon. At ano ang ginawa ng Diyos sa kanya? Nang pigilan niya ang pag-alis ng mga Israelita mula sa Egipto, ibinagsak ng Diyos ang sampung salot sa kanya. Kung hindi niya hinayaang makaalis ang mga Israelita, winasak na sana siya ng Diyos. Nang tinutugis ng hukbo ng mga Egipcio ang mga Israelita, nahati ang Dagat na Pula; at nilunod at winasak nito ang mga tumutugis na mga kawal. Sa Kapanahunan ng Kautusan, ang lahat ng hari ng mga diyablo na kumalaban sa Diyos ay winasak kalaunan ng Diyos. Ngayon, tingnan naman ang Kapanahunan ng Biyaya: Bakit nagpunta ang Panginoong Jesus sa ilang at sa gitna ng mga tao upang mangaral, sa halip na mangaral sa mga templo? Dahil ang mga awtoridad at mga lider ng relihiyosong mundo ay kumakalabang lahat sa Diyos at silang lahat ay mga galit na galit sa Panginoon, dahil dito ay wala nang pagpipilian ang Panginoong Jesus kundi ang mangaral sa ilang at sa gitna ng mga tao. Kung sinunod ng mga disipulo ng Panginoong Jesus ang mga awtoridad, sumunod pa kaya sila sa Kanya? At napuri pa rin kaya Niya sila? Dapat na maipakita ng lahat ng ito sa mga tunay na naniniwala sa Panginoon kung ano ang dapat nilang maging paraan ng pagharap sa mga awtoridad ng CCP upang makuha ang loob ng Diyos. Kung naniwala na ang mga tao sa Panginoon sa loob ng maraming taon, ngunit hindi pa rin nila makilala na ang mga umiiral na kapangyarihan ay mga kalaban ng Diyos, nauunawaan nga ba talaga ng mga taong ito ang mga Kasulatan? At nakikilala nga ba talaga nila ang Panginoon? Ang dahilan kung bakit maraming tao ang walang malalim na pagkaunawa at hindi makita ang mga bagay na ito ayon sa kung ano talaga ang mga ito ay dahil hindi nila alam kung ano ang kanilang gagawin matapos na mabasa ang mga salitang ito ni Pablo na nasa Biblia. Naniniwala pa nga ang ilang tao na ang pagsunod sa mga namamahalang awtoridad ay pagsunod sa Panginoon, at ang salungatin at kalabanin ang mga kapangyarihang ito ay pagkalaban sa ordinansa ng Diyos at nagdadala ng kapahamakan sa kanilang sarili. Hindi ba’t maling-mali ang gayong mga pananaw? Hindi ba isang seryosong maling pagkaunawa at pagsuway ang mga ito sa Diyos? Ang mga ito ay mga maling pananaw na lumilito at pumipinsala sa mga tao!
Alam nating lahat na ang CCP ay isang ateistang partido sa pulitika—at kung saan nasa kapangyarihan ang ateismo, nasa kapangyarihan si Satanas. Noon pa man ay itinuturing na ng CCP na kalaban ang Diyos. Ang diskarte nito sa pagpapakita at gawain ni Cristo ay, “Hindi Paaatrasin Ang Mga Kawal Hangga’t Hindi Pa Ganap ang Paglipol.” Hindi ito titigil hangga’t hindi naipapako sa krus si Cristo. Mula nang naluklok sa kapangyarihan ang CCP, hayagan nitong itinanggi, hinatulan, at nilapastangan ang Diyos. Idineklara ang Kristiyanismo bilang xiejiao, kinumpiska at sinunog ang mga Biblia bilang literaturang xiejiao, at inusig at pinahirapan ang mga grupong panrelihiyon na binansagang mga organisasyong xiejiao. Partikular na malupit na pinahirapan, inaresto at inusig ng CCP ang mga Kristiyanong naniniwala sa tunay na Diyos at nangangaral at nagpapatotoo sa Diyos, isinasailalim sila sa di-makataong kalupitan at pananakit kung saan marami ang lubhang nasaktan at binaldado. Namatay pa nga ang iba dahil sa pang-aabusong sinapit nila. Bakit ba galit na galit ang CCP kay Cristo, at bakit ba nito inuusig ang mga naniniwala sa tunay na Diyos? Ano ba ang layunin nito? Ang pinakakinatatakutan nito sa lahat ay ang magsimulang maniwala at sumunod ang mga mamamayang Tsino sa Diyos. Natatakot ito na hahanapin ng mga tao ang katotohanan at ililigtas sila ng Diyos—kung magkagayon ay wala nang matitira pang mga tao na maaalipin ng CCP, wala nang magsisilbi pa rito. Kaya nanggagalaiting tinutugis ng malademonyong rehimen ng CCP si Cristo, ginagawa ang lahat ng kaparaanang mayroon ito upang pagmalupitan at usigin ang mga Kristiyano sa walang-kabuluhang pag-asa nitong masugpo ang gawain ng Diyos, malipol ang mga paniniwalang panrelihiyon, at gawing isang bansang walang Diyos ang China, nang sa gayon ang diktadurya ng malademonyong CCP ang maghahari magpakailanman at nang walang pagbabago sa China. Pinatutunayan nito na walang sinuman sa mundo ang higit pang namumuhi sa katotohanan at napopoot sa Diyos kaysa sa sataniko at masamang rehimen ng CCP. Sila ay isang samahan ng mga diyablo na sumusuway sa Diyos! Kung saan naghahari ang CCP, naghahari rin si Satanas! Kaya kapag tinanggihan natin ang CCP at tinalikuran ito, hindi ba ito ganap na pag-ayon sa kalooban ng Diyos?
Sa katunayan, matagal nang panahong ibinunyag ito ng Panginoong Jesus: “Ang lahing ito’y isang masamang lahi” (Lucas 11:29). “At ito ang kahatulan, naparito ang liwanag sa sanlibutan, at inibig pa ng mga tao ang kadiliman kaysa sa liwanag; sapagka’t masasama ang kanilang mga gawa” (Juan 3:19). Sinasabi ng Biblia na, “Ang buong sanlibutan ay nakahilig sa masama” (1 Juan 5:19). Hindi na nagpaligoy-ligoy pa ang Panginoong Jesus sa paglalantad ng tunay na mukha at pinagmumulan ng kadiliman at kasamaan ng mundo. Nabubuhay sa ilalim ng impluwensiya ni Satanas ang buong sangkatauhan, hindi matiis ang pag-iral ng Diyos at ng katotohanan. Sa mga relihiyosong komunidad, walang nangangahas na hayagang patotohanan ang pagkakatawang-tao ng Diyos sa mga iglesia, lalong hindi sila naglalakas-loob na patotohanan ang mga katotohanang ipinahayag ni Cristo sa iglesia man o sa gitna ng mga tao. Sa anumang denominasyon, ang mga taong natuklasang nagpapatotoo sa Cristo na nagkatawang-tao ay hinuhuli at hinahatulan—pinapalayas sila sa iglesia, at ibinibigay pa nga sa mga awtoridad. Hindi ba narating ng sangkatauhang ito ang rurok ng kasamaan? Umaalingawngaw ang pagtatatwa sa Diyos, pagtatatwa sa mga katotohanan, at pagkondena kay Cristo sa lahat ng lugar sa mundo, hindi ba ito dahil sa ang namamayani sa mundo ay ang mga sataniko at masasamang puwersang iyon na sumasalungat sa Diyos? Magbalik-tanaw sa naganap noong dalawang libong taon na ang nakakaraan: Noong kasisilang pa lamang sa Kanya, pinaghahanap na ng gobyernong Romano ang Panginoong Jesus; habang gumagawa at ipinapangaral ang daan, ipinako Siya sa krus ng mga Judiong lider na nakipagsabwatan sa mga awtoridad Romano; at nang ipangaral ang Kanyang ebanghelyo sa China, sinalubong din ito ng silakbo ng pagkondena at paglaban ng gobyerno ng China—hindi na natin alam kung gaano karami nang mga misyonero sa China ang lubhang pinahirapan at pinatay. Matapos maluklok sa kapangyarihan ang CCP, may mga Kristiyano pa na hindi na mabilang ang inaresto at pinahirapan ng CCP. At marami pa itong ginawa. Ano ang ipinapakita ng mga totoong pangyayaring ito? Bakit ba poot na poot ang CCP sa mga taong naniniwala sa Diyos? Bakit dumanas ng gayong di-makataong pag-uusig ang mga henerasyon ng mga Kristiyano? Bakit palagi na lamang inaayawan at kinokondena ng mga tao ang katotohanan? Bakit hindi maisakatuparan ang kalooban ng Diyos sa lupa at sa lahat ng bansa sa buong mundo? Ito ay dahil nasa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, ang masama, ang buong mundo, dahil ang masasamang puwersa ni Satanas ang may hawak ng kapangyarihan sa mundo, at silang lahat ay mga ateistang rehimen sa pulitika na sumasalungat sa Diyos; lalo na ang rehimeng CCP, na pinakaorihinal sa mga masasamang puwersa ni Satanas. Ito ang dahilan kung bakit humantong sa sukdulang kasamaan at kadiliman ang sangkatauhan. Ito ay isang kinikilalang katotohanan! Subalit dahil sa mga salita ni Pablo—“Ang bawa’t kaluluwa ay pasakop sa matataas na kapangyarihan”—naniniwala ang ilang tao na ang pagsunod sa mga awtoridad ay pagsunod sa Diyos. Hayaan mong itanong namin ito sa iyo: Kapag hinahadlangan at pinipigilan ng malademonyong rehimeng CCP ang ating pananampalataya at pagsamba sa Diyos, dapat pa rin ba tayong sumunod? Kapag inaaresto at pinapahirapan ng CCP ang mga Kristiyano, pinupuwersa silang magsulat ng mga pahayag ng pagsisisi, inuutusan silang itatwa at pagtaksilan ang Diyos, at pinipilit pa nga silang sumpain at lapastanganin ang Diyos, magagawa pa rin ba nating sumunod? Kapag hindi tayo pinapayagan ng CCP na ipangaral ang ebanghelyo at magpatotoo sa Diyos, kapag pinupuwersa tayo nito na ipagkanulo ang Panginoon at ang ating mga kapwa-mananampalataya, na maging kasabwat at utusan nito, magagawa pa rin ba nating sumunod? Kung sinunod natin ang malademonyong rehimen ng CCP, hindi ba’t parang tumatayo tayo sa panig ni Satanas, na sumasalungat at nagtataksil sa Diyos? Muli nating tingnan ang mga pananalita ni Pablo: “Ang bawa’t kaluluwa ay pasakop sa matataas na kapangyarihan,” “Kaya nga’t ang sumasalangsang sa kapangyarihan, ay sa utos ng Dios sumasalangsang: at ang mga nagsisalangsang ay magsisitanggap ng kahatulan sa kanilang sarili.” Maisasagawa ba ang gayong mga salita? Nakaayon ba ang mga ito sa katotohanan? Talaga nga bang hindi makita ni Pablo ang madilim at masamang kapanahunang ito sa kung ano talaga ito? Inaresto rin at nakulong si Pablo dahil sa pagpapalaganap ng ebanghelyo. Makatwirang sabihin na nagawa sana niyang makita ang diwa ng masasamang kapangyarihan ni Satanas nang higit na malinaw kaysa sa atin, subalit sinambit pa rin niya ang mga salitang iyon—hindi kapani-paniwala!
Dapat na mabatid nating lahat na sa pagpayag ng Diyos kay Satanas na gawing tiwali ang sangkatauhan at sa pagpapahintulot Niya sa diyablong si Satanas na humawak ng kapangyarihan sa lupa, nakapaloob dito ang karunungan at pagsasaayos ng Diyos. Ang pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan ay para lamang talunin si Satanas, at upang magawang pasunurin at pasambahin sa Diyos ang mga taong ginawang tiwali ni Satanas. Pagkatapos lamang ng mga ito lubusang matatalo at mapapahiya si Satanas, at mawawakasan sa wakas ang kapalaran nito. Kaya’t kapag pinapahintulutan ng Diyos si Satanas na humawak ng kapangyarihan at gawing tiwali ang sangkatauhan, kalooban Niya para sa sangkatauhan na magkaroon ng kakayahang makakilala kay Satanas; na makita nang mabuti ang diwa ni Satanas, upang kamuhian ng mga tao si Satanas, at talikuran nila si Satanas; ngunit hindi kailanman hiningi ng Diyos na sundin ng mga tao si Satanas, lalong hindi Niya sinabing ang pagsuway sa anumang satanikong rehimen ay magdadala ng kapahamakan sa sarili. Kaya batay sa pananaw ni Pablo, nagdulot ba ng kapahamakan sa kanilang sarili ang mga henerasyon ng mga santo na pinaghahanap at inusig ng mga satanikong gobyerno at naging martir pa nga para sa Panginoon dahil sa sinuway nila ang mga naghaharing kapangyarihan? Hindi ba isang maganda at umaalingawngaw na patotoo sa Panginoon ang katotohanan ng pagkakabilanggo ng mga henerasyon ng mga santo? Ayon sa pananaw ni Pablo, ang pagkakaaresto at maging ang pagkakapatay sa mga henerasyon ng mga santong ito ay hindi isang magandang patotoo—ito’y pagdadala lamang ng kapahamakan sa kanilang sarili dahil sinuway nila ang mga awtoridad. At sa kasong iyon, hindi ba’t wala ring kabuluhan ang pinagdusahang hirap sa pagkakabilanggo ni Pablo dahil sa pagpapalaganap ng ebanghelyo? Kaya bakit nagpatotoo si Pablo sa iba tungkol sa dinanas niyang hirap? Hindi ba ito isang kontradiksyon? Ang ating pananampalataya sa Panginoon at ang ating pangangaral at pagpapatotoo sa ebanghelyo ng Panginoon ay isang mandato ng Langit at kinikilala ng lupa; samantala, hindi titigil ang mga gobyerno ni Satanas sa malupit nitong pang-uusig sa mga Kristiyano, upang hadlangan ang pagpapalaganap ng gawaing ebanghelyo ng Diyos at pigilang maisakatuparan ang kalooban ng Diyos—na naglalantad sa kanilang malademonyong diwa, isang diwang kinamumuhian ang katotohanan at galit na galit sa Diyos. Kapag malupit na inuusig ng mga gobyerno ni Satanas ang mga tao dahil sa pagtataguyod ng tamang daan at pangangaral at pagpapatotoo sa ebanghelyo ng Panginoon, pinag-uusig sila dahil sa katuwiran, at wala nang higit pang karapat-dapat sa papuri ng Panginoon. Paano ngayon masasabi na nagdala sila ng kapahamakan sa kanilang sarili? Malinaw na sinabi minsan ng Panginoong Jesus na, “Mapapalad ang mga pinag-uusig dahil sa katuwiran: sapagka’t kanila ang kaharian ng langit” (Mateo 5:10). Maaari kayang walang kabatiran si Pablo sa mga salitang ito ng Panginoong Jesus? Malinaw na salungat ang mga salitang winika ni Pablo sa mga salita ng Panginoong Jesus. Hindi nakaayon ang mga ito sa katotohanan, at hindi mapagbabatayan ng ating mga kilos. Nilikha tayo ng Diyos, tayo’y sa Diyos, kaya’t mandato ng Langit at kinikilala ng lupa na dapat nating pakinggan ang Diyos sa lahat ng bagay at sundin ang awtoridad ng Diyos!