Ang Mabuting Pag-uugali ay Hindi Nangangahulugan na Nagbago na ang Disposisyon ng Isang Tao

Ngayon, may ilang tao na buong magdamag na nagtatrabaho at nakalilimutan nang kumain o matulog kapag isinasagawa nila ang kanilang tungkulin, nagagawa nilang supilin ang laman, na maghimagsik laban sa pisikal na paghihirap, kahit pa nga magtrabaho nang may sakit sila. Bagama’t may mga ganito silang katangiang pangtubos, at mabubuti at matutuwid silang tao, may mga bagay pa rin sa kanilang mga puso na hindi nila nagagawang maisantabi: katanyagan, pakinabang, katayuan, at banidad. Kung hindi nila kailanman maisasantabi ang mga bagay na ito, mga tao ba silang naghahangad ng katotohanan? Kitang-kita naman ang sagot. Ang pinakamahirap na bahagi ng paniniwala sa Diyos ay ang pagkamit ng isang pagbabago sa disposisyon. Maaaring kaya mong habambuhay na manatiling walang-asawa, o kaya ay hindi kailanman kumain ng masusustansyang pagkain o magsuot ng magagandang damit; sinasabi pa nga ng ilang tao, “Hindi mahalaga kung magdusa ako buong buhay ko, o kung malungkot ako buong buhay ko, kaya kong tiisin ito—nang nasa tabi ko ang Diyos, walang-wala ang mga bagay na ito.” Madali para sa kanila na mapagtagumpayan at lutasin ang ganitong pisikal na sakit at paghihirap. Ano ang hindi madali para sa kanila na mapagtagumpayan? Ang mga tiwaling disposisyon ng tao. Hindi malulutas ang mga tiwaling disposisyon sa pamamagitan lamang ng pagpigil sa sarili. Kayang magtiis ng tao ng pisikal na paghihirap para magampanan nila nang maayos ang kanilang mga tungkulin, para matugunan ang mga layunin ng Diyos, at makapasok sa kaharian sa hinaharap—pero ang kakayahan bang magdusa at magbayad ng halaga ay nangangahulugang nagbago na ang kanilang mga disposisyon? Hindi. Para sukatin kung may pagbabago ba sa disposisyon ng isang tao, huwag tingnan kung gaano karaming pagdurusa ang kaya niyang tiisin o kung gaano kaganda ang kanilang pag-uugali sa panlabas. Ang tanging paraan para masukat nang tama kung ang disposisyon ng isang tao ay nagbago ay ang tingnan ang mga mithiin, mga motibo, at mga layunin sa likod ng kanyang mga ikinikilos, ang mga prinsipyong sinusunod niya sa pagkilos at pangangasiwa sa gawain, at ang kanyang saloobin sa katotohanan.

Pagkatapos sumampalataya sa Diyos, ang ilan ay hindi na naghahangad ng mga makamundong uso o nagbibigay-pansin sa kanilang mga kasuotan at hitsura. Nagagawa nilang magdusa at magsikap, at supilin at maghimagsik laban sa laman. Ngunit kapag ginagampanan nila ang kanilang tungkulin at nakikisalamuha sila sa iba at humaharap sa mga bagay-bagay, bihira silang maging matapat. Ayaw nilang maging matapat, lagi nilang ninanais mamukod-tangi at makilala, at may hangarin sa likod ng lahat ng kanilang sinasabi at ginagawa. Gumagawa sila ng masusi, metikulosong pagkakalkula upang maipakita sa mga tao kung gaano sila kabuti, makuha ang loob ng mga tao, at mahikayat ang mga taong paboran at sambahin sila, hanggang sa puntong sa kanila na lalapit at maghahanap ang mga tao sa tuwing may mangyayari sa mga ito. Sa paggawa nito, nagpapasikat sila. Ano ang disposisyong kanilang ibinubunyag? Isa itong satanikong disposisyon. Marami bang taong tulad nito? Ganito ang lahat ng tao. Sa panlabas, pinanghahawakan nila ang lahat ng regulasyon, nagagawa nilang magdusa nang kaunti, at medyo handa silang maggugol ng kanilang sarili. Nagagawa nilang bitiwan ang ilang makamundong bagay, mayroon silang kaunting determinasyon at kagustuhang hangarin ang katotohanan, at nakapaglatag na sila ng pundasyon sa landas ng pananampalataya sa Diyos. Kaya lamang ay nananatiling buo ang kanilang tiwaling disposisyon. Hindi talaga sila nagbago. Kahit na nauunawaan nila ang katotohanan, hindi nila ito maisagawa. Iyon ang kahulugan ng hindi talaga pagbabago. Ang pagkilos nang matigas ang ulo sa lahat ng bagay ay ang paraan ng pag-uugali ng mga nabubuhay sa loob ng mga satanikong disposisyon. Kapag mali ang hangarin sa likod ng kanilang mga kilos, hindi sila nagdarasal sa Diyos, o itinatanggi ang sarili nilang kalooban, hindi nila hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo, hindi rin sila naghahanap mula sa iba o nakikipagbahaginan sa mga ito. Ginagawa nila ang anumang naisin nila, ang anumang magustuhan nila; kumikilos sila nang walang-ingat at walang pagpipigil. Maaaring mukhang hindi sila gumagawa ng kasamaan, ngunit hindi rin nila isinasagawa ang katotohanan. Sinusunod nila ang sarili nilang kalooban sa kanilang mga kilos at namumuhay sila sa loob ng isang satanikong disposisyon. Nangangahulugan itong wala silang pagmamahal sa katotohanan o wala silang may-takot-sa-Diyos na puso, at hindi sila nabubuhay sa harap ng Diyos. Maaaring nauunawaan nga ng iba sa kanila ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan, ngunit hindi nila ito maisagawa. Ito ay dahil hindi nila madaig ang sarili nilang mga pagnanasa at ambisyon. Malinaw na nalalaman nilang mali ang kanilang ginagawa, na isa itong paggambala at panggugulo, na kamuhi-muhi ito sa Diyos, subalit paulit-ulit nila itong ginagawa, iniisip na, “Hindi ba’t ang pananampalataya sa Diyos ay tungkol sa pagtatamo ng mga pagpapala? Ano ang mali sa paghahangad ko sa mga pagpapala? Medyo marami na rin akong dinanas sa mga taon ng pananampalataya ko sa Diyos; isinuko ko ang aking trabaho at tinalikuran ang aking mga pag-asa sa mundo upang matamo ang pagsang-ayon at mga pagpapala ng Diyos. Batay lamang sa lahat ng pagdurusang tiniis ko, dapat akong alalahanin ng Diyos. Dapat Niya akong pagpalain at pagkalooban ng magandang kapalaran.” Ang mga salitang ito ay naaangkop sa kagustuhan ng mga tao. Ganito mag-isip ang lahat ng taong sumasampalataya sa Diyos—pakiramdam nila ay hindi ganoon kalaking problema ang pagiging bahagyang kontaminado ng hangaring magtamo ng mga pagpapala. Ngunit kung pag-iisipan mong mabuti ang mga salitang ito, nakaayon ba ang alinman sa mga iyon sa katotohanan o sa bahagi ng katotohanang realidad? Ang lahat ng pagtalikod at pagdurusang ito ay mga uri lamang ng mabubuting pag-uugali ng tao. Ang mga kilos na ito ay kontrolado ng hangaring magtamo ng mga pagpapala, at hindi pagsasagawa ng katotohanan. Kung gagamitin ng isang tao ang mga moral na pamantayan ng tao upang sukatin ang pag-uugali ng mga taong ito, maituturing silang masipag at matipid, masikap at matatag. Kung minsan, sa labis na pagkaabala nila sa kanilang trabaho ay nakalilimutan na nilang kumain at matulog, at handa pa nga ang ilan sa kanila na magsauli ng mga nawawalang gamit sa mga may-ari nito, na maging matulungin at mapagkawanggawa, na tratuhin ang iba nang may pang-unawa at pagkabukas-palad, na hindi maging kuripot o maselan, at na ipamigay pa nga ang mga pinakagusto nilang gamit sa iba. Ang lahat ng pag-uugaling ito ay pinupuri ng tao, at kinikilala sila bilang mabubuting tao. Ang gayong mga tao ay mukhang maluwalhati, kahanga-hanga, at karapat-dapat sa pagsang-ayon; sa kanilang mga kilos, maingat sila sa moral, patas at makatwiran. Sinusuklian nila ang mga kabutihan ng iba at pinahahalagahan ang kapatiran, hanggang sa puntong isasakripisyo nila ang kanilang sarili para sa sinuman sa kanilang mga kaibigan, at magtitiis ng pagdurusa at gagawin ang lahat para sa pinakamalalapit sa kanila. Bagaman maraming tao ang maaaring pumuri sa ganitong uri ng mabuting tao, kaya ba talaga ng mga taong ito na tanggapin ang katotohanan at isagawa ito? Talaga bang ibubuwis nila ang kanilang buhay upang dakilain at patotohanan ang Diyos? Hindi naman talaga. Kung gayon, matatawag ba silang mabuting tao? Kung sinusubukan mong tukuyin kung ang isang tao ay natatakot sa Diyos at lumalayo sa kasamaan, o kung nagtataglay siya ng katotohanang realidad, magiging tumpak ba na lagi siyang suriin batay sa mga kuru-kuro, imahinasyon, etika at moralidad ng tao? Aayon ba ito sa katotohanan? Kung ang mga kuru-kuro, imahinasyon, etika, at moralidad ng tao ang katotohanan, hindi na kakailanganin ng Diyos na ipahayag ang katotohanan kung gayon, hindi na rin Niya kakailanganing isagawa ang gawain ng paghatol at pagkastigo. Kailangan mong makita nang malinaw na ang mundo at ang sangkatauhan ay malupit at masama, na ganap na walang katotohanan ang mga iyon, at na kailangan ng tiwaling sangkatauhan ang pagliligtas ng Diyos. Kailangan mong makita nang malinaw na ang Diyos lamang ang katotohanan, na tanging ang Kanyang mga salita ang makapaglilinis sa tao, na tanging Siya ang makapagliligtas sa tao, at na kahit gaano pa kabuti ang pag-uugali ng isang tao, hindi ito ang katotohanang realidad, at lalo pang kinukulang ng mismong katotohanan. Bagaman lumaganap at nakilala na sa mga tao ang mabubuting pag-uugaling ito, ang mga ito ay hindi ang katotohanan, at kailanman ay hindi magiging gayon, at walang anumang mababago ang mga ito. Ang isang tao ba na magsasakripisyo sa kanyang sarili para sa kanyang mga kaibigan at gagawin ang lahat para sa mga ito ay mahihikayat mong tanggapin ang Diyos at ang katotohanan? Talagang hindi, dahil ang taong iyon ay isang ateista. Mahihikayat mo ba ang isang taong puno ng mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos na magtamo ng tunay na pagpapasakop sa Kanya? Talagang hindi, dahil kapag puno ng mga kuru-kuro ang isang tao, napakahirap para sa kanyang tanggapin at magpasakop sa katotohanan. Mahihikayat ba ng gaano man karaming mabuting pag-uugali ang isang tao na tunay na magpasakop sa Diyos? Kaya ba niyang tunay Siyang mahalin? Makapagpupuri at makapagpapatotoo ba siya sa Kanya? Talagang hindi niya magagawa iyon. Matitiyak mo bang ang lahat ng mangangaral at gagawa para sa Panginoon ay tunay na magmamahal sa Diyos? Imposible talaga iyon. Kaya, kahit gaano pa karaming mabuting pag-uugali ang gawin ng isang tao, hindi ito nangangahulugang tunay na siyang nagsisi at nagbago, at lalong hindi ito nangangahulugang nagbago na ang kanyang disposisyon sa buhay.

Dapat ninyong matutuhang tukuyin kung ano ang mabuting asal, at kung ano ang pagsasagawa ng katotohanan at pagkakamit ng pagbabago sa inyong disposisyon. Ang pagbabago ng inyong disposisyon ay may kalakip na pagsasagawa ng katotohanan, pakikinig sa mga salita ng Diyos, pagpapasakop sa Kanya, at pamumuhay ayon sa Kanyang mga salita. Kaya ano ang dapat gawin ng isang tao para makapagsagawa at mamuhay ayon sa mga salita ng Diyos? Halimbawa, may dalawang tao na malapit na malapit na magkaibigan. Natulungan na nila ang isa’t isa noon, magkasama na nilang nalampasan ang mahihirap na sandali, at itataya nila ang kanilang buhay para iligtas ang isa’t isa. Pagsasagawa ba iyon ng katotohanan? Iyon ay kapatiran, iyon ay pagsasakripisyo ng iyong sarili para sa iba, mabuti iyong asal, pero hindi iyon ganap na pagsasagawa ng katotohanan. Ang pagsasagawa ng katotohanan ay tungkol sa pagkilos ayon sa mga salita at hinihingi ng Diyos; ito ay ang pagpapasakop at pagpapalugod sa Diyos. Ang mabuting asal ay pawang tungkol sa pagsasakatuparan ng mga relasyon ng laman at pagpapanatili ng mga emosyonal na ugnayan. Kaya naman, ang kapatiran, pagprotekta sa mga relasyon, pagtulong, pagpaparaya at pagpapalugod sa isa’t isa, lahat ito ay pribado at personal na bagay at walang kinalaman sa pagsasagawa ng katotohanan. Kaya paanong pagtrato sa iba ang hinihingi ng Diyos sa mga tao? (Hinihingi ng Diyos na pakitunguhan natin ang isa’t isa nang may mga prinsipyo. Kung ang isang tao ay gumawa ng mali, isang bagay na hindi naaayon sa mga katotohanang prinsipyo, hindi tayo pwedeng makinig sa kanya, sariling ama o ina man natin siya. Dapat nating panghawakan ang mga katotohanang prinsipyo at protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos.) (Hinihingi ng Diyos na magtulungan ang mga kapatid. Kung makikita natin na may problema ang isang tao, dapat natin itong tukuyin, magbahagi tungkol dito, at magkasamang hanapin ang mga katotohanang prinsipyo para lutasin ito. Sa pamamagitan lamang ng paggawa nito natin siya tunay na natutulungan.) Nais ng Diyos na ang pakikitungo ng mga tao sa isa’t isa ay nakabatay sa pundasyon ng mga katotohanang prinsipyo, anuman ang relasyon nila. Anumang labas sa mga prinsipyong ito ay hindi maituturing na pagsasagawa ng katotohanan. Halimbawa, may ginawa ang isang tao na nakapinsala sa gawain ng iglesia na inilalantad at kinokontra ng lahat. Sinasabi ng kaibigan niya, “Hindi ninyo siya kailangang ilantad dahil lang nagkamali siya! Kaibigan niya ako; una sa lahat, dapat akong maging maunawain sa kanya; dapat akong maging mapagparaya sa kanya at tulungan siya. Hindi ko siya pwedeng ilantad gaya ng ginawa ninyo. Dapat ko siyang aluin, hindi saktan, at sasabihin ko sa kanyang hindi malaking bagay ang pagkakamali niya. Kung may sinuman sa inyo ang maglalantad sa kanya at muling magpapahira sa kanya, ako ang makakaharap ninyo. Wala sa inyong mas malapit sa kanya kaysa sa akin. Mabuti kaming magkaibigan. Kakampihan ko siya kung kinakailangan.” Pagsasagawa ba ito ng katotohanan? (Hindi, ito ay isang pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo.) Ang pag-iisip ng taong iyon ay batay rin sa isa pang teoretikal na pundasyon: Naniniwala siya na “Tinulungan ako ng kaibigan ko sa pinakamahirap at pinakamasakit na sandali sa buhay ko. Inabandona ako ng lahat, siya lang ang nag-alaga at tumulong sa akin. Ngayon ay may problema siya, at ako naman ang tutulong sa kanya—pakiramdam ko, ito ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng konsiyensiya at pagkatao. Paano mo matatawag ang sarili mo na tao kung nananalig ka sa Diyos pero wala ka man lang ng ganitong katiting na konsiyensiya? Hindi ba’t ginagawa niyon na walang kabuluhang mga salita ang pananampalataya mo sa Diyos at pagsasagawa mo ng katotohanan?” Parang tama kung pakikinggan ang mga salitang ito. Karamihan ng mga tao ay hindi natutukoy ang totoong katangian ng mga ito—kahit pa ang taong nagsabi ng mga ito, na iniisip na ang motibo sa likod ng kanyang mga ikinikilos ay naaayon sa katotohanan. Ngunit tama ba ang kanyang mga ikinikilos? Ang totoo, hindi. Tingnang ninyong mabuti, ang bawat salitang sinasabi niya ay mula sa etika, moralidad, at konsiyensiya ng tao. Kung hahatulan siya ng isang tao batay sa etika ng tao, siya ay may konsensiya at isa siyang tapat na tao. Mabuti siyang tao dahil sa pagtatanggol sa kanyang kaibigan nang ganito. Pero may nakakaalam ba kung anong disposisyon at diwa ang nakatago sa likod ng “mabuting tao” na ito? Hindi siya tunay na mananampalataya sa Diyos. Una sa lahat, kapag may nangyayari, hindi niya tinitingnan ang sitwasyon ayon sa mga salita ng Diyos. Hindi niya hinahanap ang katotohanan sa mga salita ng Diyos, kundi sa halip ay pinipiling tingnan ang usapin ayon sa moralidad at etika at mga kasabihan sa buhay ng mga walang pananampalataya. Itinuturing niya ang mga maling paniniwala at kabulaanan ni Satanas bilang ang katotohanan, at isinasantabi ang mga salita ng Diyos, ipinagsasawalang-bahala ang sinasabi sa mga salita ng Diyos. Sa paggawa nito, kinukutya niya ang katotohanan. Ipinapakita nito na hindi niya minamahal ang katotohanan. Pinapalitan niya ang katotohanan ng mga satanikong kasabihan sa buhay at ng mga kuru-kuro, etika, at moralidad ng tao, at kumikilos siya ayon sa mga satanikong pilosopiya. May kumpiyansa pa niyang sinasabi na ito ay pagsasagawa sa katotohanan at pagtugon sa mga layunin ng Diyos, na ito ang makatarungang pagkilos. Hindi ba’t ginagamit niya lang ang pagkukunwaring ito ng katarungan upang labagin ang katotohanan? Hindi ba’t karaniwan na ang ganitong uri ng sitwasyon pagdating sa paraan ng pag-asal at pagharap ng mga tao sa mga gawain? Kapag lagi mong binibigkas ang mga salita at doktrina, nalalaman mong hindi mo taglay ang katotohanan, at na ang pagbabahagi ng katotohanan talaga ang may kabuluhan, at nalalaman mo ring sa malupit at masamang mundong ito, tanging ang mga buhay ng mga taong nakapagtamo ng katotohanan ang may pag-asa at kabuluhan. Pero kapag may nangyaring malaking kaganapang kailangan mong harapin at pagpasyahan, madarama mong ang mga pilosopiya, moralidad at etika ni Satanas ang katotohanan at kapaki-pakinabang. Sa oras na iyon, ang mga katotohanan sa mga salita ng Diyos, na ninanais mong hangarin, ay hindi kapaki-pakinabang. Ano ang problemang ito? Kung kaya mong kilalanin na ang salita ng Diyos ang katotohanan, bakit hindi mo ito maisagawa? Bakit hindi ka naglalakas-loob na isagawa ito? Ano ba ang ikinatatakot mo? Kinatatakutan mo ang paninirang-puri at panghuhusga ng ibang tao, ang mawala ang mga makamundong pag-asa mo, at ang mapinsala ang mga personal mong interes. Kapag hindi mo isinagawa ang katotohanan, kapag naging isa kang mang-iiwan, at tinanggihan mo ang halaga ng katotohanan sa mga salita ng Diyos sa isang napakahalagang pagkakataon, sapat na ito upang patunayang hindi ka isang taong nagmamahal sa katotohanan, at na sa halip ay minamahal mo ang mga pilosopiya, erehiya, at maling paniniwala ni Satanas, na hinahangad mo ang mga makamundong pag-asa, ang mga interes ng iyong laman, at ang iyong reputasyon at katayuan. Gayunpaman ay sinasabi mong minamahal mo ang katotohanan—pagpapaimbabaw ito. Sapat na ang lahat ng ito upang ipakitang kailanman ay hindi mo tinanggap ang katotohanan o isinagawa ang katotohanan sa iyong pananampalataya sa Diyos. Kung gayon, mayroon ka bang may-takot-sa-Diyos na puso? May puwang ba ang Diyos sa puso mo? Sa kabila ng karaniwan mong pagkilala sa mga salita ng Diyos bilang ang katotohanan, sa sandaling may mangyari, wala na ang Diyos sa puso mo at ang sarili mo na ang pahahalagahan mo higit sa lahat, at ituturing mo ang mga ugnayan ng tao, mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, mga etikal na panuntunan at sawikain, at ang mga pamantayan ng konsiyensiya at moralidad bilang katotohanan. Ang mga bagay na ito, na nabibilang kay Satanas, ay naging mga pamalit na para sa katotohanan sa iyong puso—kaya hindi ba’t lumala ka na? Ganap mo na ngayong pinagtaksilan ang Diyos at lubos ka nang nasadlak sa kadiliman.

Maraming tao ang masyadong naging abala sa maraming taong sumampalataya sila sa Diyos, kaya bakit hindi sila nagtataglay ng katotohanang realidad? Sa katunayan, ang ugat ng problema ay hindi minamahal ng mga taong iyon ang katotohanan. Kung sasabihin mo sa kanilang hindi nila minamahal ang katotohanan, madarama nilang naagrabyado sila, ngunit sa totoo, makatwiran ba ang hinanakit nilang ito? Hindi, hindi ito makatwiran. Kahit gaano pa karaming sermon ang napakinggan ng mga taong iyon o gaano pa karaming doktrina ang naunawaan nila, hindi nila isasagawa ang katotohanan pagdating ng panahon; hindi sila kumikilos, humaharap sa mga usapin, o humaharap sa mga tao, pangyayari, at bagay sa paligid nila nang alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo, at palagi silang may mga sariling opinyon. Kapag may nakikipag-usap sa Akin, laging sinasabi ng taong ito na, “Pakinggan Mo ako, hayaan Mo akong ipahayag ang perspektiba ko; ito ang perspektiba ko, ito ang ibig kong sabihin,” at, “Gusto kong kumilos nang ganito, maaari bang pakinggan Mo ako?” Alam Ko ang ibig mong sabihin kahit hindi mo iyon sinasabi; hindi mo kailangang palaging ikuwento ang ibig mong sabihin, hindi ito ang katotohanan, at ang pagsasabi rito nang malinaw ay hindi nangangahulugang ito ang katotohanan. Kung naniniwala kang taglay mo na ang katotohanan mula nang ipanganak ka, bakit sumasampalataya ka pa rin sa Diyos? Kung likas mo nang nauunawaan ang lahat ng katotohanang ipinahayag ng Diyos—na para bang naiintindihan mo ang lahat ng katotohanan at ikaw mismo ang katotohanan at makalulutas ng lahat ng problema—kung gayon, bakit sumasampalataya ka pa rin sa Diyos? Sinasabi ng ilang tao, “Bakit Ikaw ang laging tama at nagdedesisyon ng lahat? Bakit ayaw Mo akong pakinggan?” Anong uri ng mga salita ang mga ito? Pagkatapos kang pakinggan sa loob ng napakaraming taon, wala pa Akong narinig na ni isang salitang tama o nakaayon sa katotohanan, kaya bakit Ako dapat makinig sayo? Gusto Kong makarinig ng ilang medyo tamang pananaw mula sa tao. Makatitipid Ako ng kaunting pag-iisip at enerhiya rito, ngunit wala Akong anumang naririnig. Ang naririnig Ko lamang ay mga maling paniniwala at mapaghimagsik na mga salita, pagmamaktol at negatibong pananalita; ang lahat ng ito ay taliwas sa katotohanan, kaya bakit Ko ito papakinggan? Kung pipilitin ang lahat na pakinggan ka, magrerebelde sila sa Diyos, lalaban sa Diyos, at sasalungat sa Langit, susunod silang lahat kay Satanas at sa huli ay mamamatay. Kung pakikinggan mo ang Aking mga salita at pag-iisipan ang Aking mga salita, mauunawaan mo ang katotohanan, magagawa mong humarap sa Diyos, at tahakin ang daan tungo sa kaligtasan. Tanging ang mga salita ng Diyos ang makapagliligtas sa mga tao, at tanging sa pamamagitan ng pag-unawa sa katotohanan, pagsasagawa sa katotohanan, at pagkakaroon ng pagpapasakop sa Diyos matatamo ng mga tao ang pagliligtas ng Diyos. Hindi madali para sa mga taong tanggapin ang katotohanan. Kapag kapiling Ko ang mga tao, nais Kong marinig kung paano nakapasok ang mga kapatid sa katotohanan kamakailan; kung ano ang mga naging pag-usad nila sa pagkilatis sa mga tao, pangyayari, at bagay at sa pagsasagawa sa katotohanan; kung kumusta ang kanilang mga kondisyon; kung nabaligtad at nabago na ba nila ang mga mali nilang kalagayan; kung gaano karami ang kaalaman nila sa mga tiwaling disposisyon nila; kung gaano karaming pagkaunawa sa kanilang mga sarili ang natamo nila mula sa mga pagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon nila; kung gaano karami sa mga maling pagkaunawa nila tungkol sa Diyos ang nawala; at kung gaano karami ang nadagdag sa kaalaman nila sa Diyos. Nais Kong marinig ang mga karanasan at kaalamang ito, ngunit sa kasamaang-palad, karamihan sa mga tao ay hindi kayang magkaroon ng ganitong uri ng patotoong batay sa karanasan. Wala silang katotohanang realidad, at bumibigkas lamang sila ng hungkag na mga salita at doktrina; mga baluktot, at may kinikilingang salita, at reklamo; kung hindi ay mga salitang sumusubok na magpasikat sa kanila at mang-angkin ng pagkilala at maghanap ng mga gantimpala. Ano sa palagay ninyo ang nararamdaman Ko kapag naririnig Ko ang mga iyon? Gaganda ba ang timpla Ko sa mga iyon? (Hindi.) Napakadalang magsabi ng mga tao ng anumang tungkol sa kanilang praktikal na karanasan at kabatiran sa katotohanan, sa mga salitang nagpapagaan sa kalooban ng mga tao matapos marinig ang mga iyon, at kung wala ang mabubuting salitang iyon, kung hindi pag-aangkin ng pagkilala at paghahanap ng gantimpala ang mga salitang binibigkas ng mga tao, mga hindi nauugnay, hungkag na mga salita naman iyon. Kailangan mo ba Akong kausapin tungkol sa mga hungkag na doktrinang iyon? Halos hindi mo na nga malihis ang mga walang-alam na tao sa pagsasalita tungkol sa mga doktrinang iyon, kaya hindi ba’t walang katwiran na sabihin sa Akin ang tungkol sa mga iyon? Kapag nakikipagkwentuhan ang ilang tao sa Akin, lagi silang nagkukwento tungkol sa mga maling espirituwal na doktrina, at kapag nagtatalakay ng kung anong usapin, lagi nilang sinasabing, “Ang lahat ay nasa mga kamay ng Diyos, iniatas itong lahat ng Diyos.” Iniisip nilang hindi espirituwal ang pagsasalita tungkol sa panlabas na mga aktibidad at na ang kaalaman lamang kung paano magsalita tungkol sa mga espirituwal na doktrina ang espirituwal. Kapag nagsasabi Ako sa kanila ng ilang praktikal na salita at kinakausap sila tungkol sa mga detalye ng pamumuhay, hindi nila ito iniintindi; gusto lang nilang makarinig ng mabubulaklak na sermon at magagarbong espirituwal na doktrina. Nagtataglay ba ng realidad ang mga taong tulad nito? Bukod sa wala silang realidad, ganap na wala pa silang katwiran. Tunay silang mga mapagmataas at walang-alam na tao.

Ang paghahangad ng pagbabago ng disposisyon ay nangangailangan muna ng pag-unawa sa kung aling mga bagay ang walang kaugnayan sa disposisyonal na pagbabago, at wala sa saklaw ng disposisyonal na pagbabago, ngunit sa halip ay mga panlabas na mabuting pag-uugali, pati na kung ano ang tinutukoy ng disposisyonal na pagbabago na sinasabi ng Diyos, at kung ano ang gustong baguhin ng Diyos sa tao—kailangang maunawaan ng mga tao ang mga bagay na ito. Ang iniisip ng tao na disposisyonal na pagbabago ay isang pagbabago lamang sa pag-uugali, at iyon ay isang naiibang bagay at landas mula sa disposisyonal na pagbabago na sinasabi ng Diyos. Masisiguro ba ng inaakala ng tao na disposisyonal na pagbabago na hindi maghihimagsik, lalaban, o magkakanulo ang mga tao sa Diyos? Mahihikayat ba sila nitong panindigan ang kanilang pagpapatotoo at tugunan ang mga layunin ng Diyos sa huli? Ang disposisyonal na pagbabago na sinasabi ng Diyos ay nangangahulugang sa pamamagitan ng pagsasagawa sa katotohanan, sa pamamagitan ng pagdanas sa Kanyang paghatol at pagkastigo, at sa pamamagitan ng Kanyang pagpupungos, pagsubok, at pagpipino sa pamamagitan Niya, ang mga tao ay nagtatamo ng pagkaunawa tungkol sa mga layunin ng Diyos at sa mga katotohanang prinsipyo, at pagkatapos ay nabubuhay sila alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo, nagkakaroon ng mga pusong nagpapasakop at may takot sa Diyos, nang walang anumang maling pagkaunawa sa Diyos, at nagtataglay ng tunay na kaalaman at tunay na pagsamba sa Diyos. Ang sinasabi ng Diyos ay isang pagbabago sa disposisyon ng isang tao, ngunit ano nga ba ang tinutukoy ng disposisyonal na pagbabago na sinasabi ng tao? Tinutukoy nito ang pagbuti ng pag-uugali, ang pagpapakita na may magandang asal at kalmado, at hindi pagiging mapagmataas; nangangahulugan ito ng pagsasalita sa isang pino at disiplinadong paraan, hindi pagiging sutil at pilyo, at pagtataglay ng konsensiya, katwiran, at ng mga moral na pamantayan sa pananalita at pag-uugali ng isang tao. Mayroon bang anumang pagkakaiba sa pagitan ng pagbabago ng disposisyong sinasabi ng tao at sa pagbabago ng disposisyong hinihingi ng Diyos? Ano ang pagkakaiba? Ang pagbabago ng disposisyong sinasabi ng tao ay isang pagbabago sa panlabas na pag-uugali, isang pagbabagong sumusunod sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao. Ang pagbabago ng disposisyong hinihingi ng Diyos ay ang pagwawaksi sa tiwaling disposisyon ng isang tao, ito ay isang pagbabago sa buhay disposisyon na dulot ng pagkaunawa sa katotohanan, isang pagbabago sa pananaw ng isang tao sa mga bagay-bagay, isang pagbabago sa pananaw at mga asal ng isang tao. Mayroong pagkakaiba. Kahit pa mga tao o bagay ang hinaharap mo, ang iyong mga motibo, ang mga prinsipyo ng iyong mga kilos, at ang iyong pamantayan ng pagsukat ay kailangang alinsunod lahat sa katotohanan, at kailangan mong hanapin ang mga katotohanang prinsipyo; ito ang tanging paraan upang magtamo ng pagbabago ng disposisyon. Kung lagi mong sinusukat ang iyong sarili batay sa mga pamantayan ng pag-uugali, kung lagi kang tumutuon sa mga pagbabago sa iyong panlabas na pag-uugali, at iniisip mong nagsasabuhay ka ng wangis ng tao at mayroong pagsang-ayon ng Diyos dahil lamang nagtataglay ka ng kaunting mabuting pag-uugali, maling-mali iyon. Dahil mayroon kang mga tiwaling disposisyon, at kaya mong labanan ang Diyos, at nanganganib kang magtaksil sa Diyos, kung hindi mo hahanapin ang katotohanan upang malutas ang sarili mong tiwaling disposisyon, gaano pa man kabuti ang iyong panlabas na pag-uugali, hindi ka makapagtatamo ng tunay na pagpapasakop sa Diyos, at hindi mo magagawang matakot sa Diyos at lumayo sa kasamaan. Makapagbubunga ba ang panlabas lamang na mabuting pag-uugali ng may-takot-sa-Diyos na puso? Mahihikayat ba nito ang isang taong matakot sa Diyos at lumayo sa kasamaan? Kung hindi kaya ng mga taong matakot sa Diyos at lumayo sa kasamaan, walang dami ng mabuting pag-uugali ang magpapahiwatig na mayroon silang tunay na pagpapasakop sa Diyos. Samakatuwid, walang dami ng mabuting pag-uugali ang nagpapahiwatig ng pagbabago sa disposisyon. May ilang tao na pinong-pino kung magsalita, hindi kailanman gumagamit ng masamang pananalita, na parang mga iskolar—lumalabas pa nga ang mga salita sa kanilang mga bibig na para bang mula sa mga panulat ng mga dalubhasa, parang mga manunulat o mananalumpati. Sa pagtingin sa mabababaw na pag-uugali at pagpapamalas na ito, walang mga problemang makikita, ngunit paano mo matutuklasan kung may mga problema sa kanilang disposisyon? Paano mo masusukat kung nagkaroon ng anumang pagbabago sa kanilang disposisyon? Saan ito makikita? (Sa pamamagitan ng pagtingin sa kanilang saloobin sa katotohanan.) Isa itong indikasyon sa pagsukat nito. Mayroon pa bang iba? (Tingnan mo ang kanilang mga prinsipyo sa paggawa ng mga bagay-bagay, at ang kanilang mga pananaw sa mga bagay-bagay.) Nakukuha na niyon ang pinakapunto nito. Hindi mo dapat tingnan ang paraan ng kanilang pananalita, elegante man o masagwa, o intelektuwal na pananalita ito—huwag kang tumingin sa panlabas. May ilang tao na sobrang paligoy-ligoy kung magsalita, hindi marunong magpahayag ng kanilang sarili, at hindi mapakali kapag nag-aalala—may kaugnayan ba ito sa kanilang disposisyon? (Wala.) Panlabas na pag-uugali lamang ito, kadalasan ay may kaugnayan ito sa personal nilang karakter o pagpapalaki ng pamilya, wala itong kaugnayan sa kanilang disposisyon. Kaya paano mo makikita kung anong uri ng disposisyon ang taglay nila, kung nagbago na ang disposisyon nila, at kung sila ay mga taong nagsasagawa ng katotohanan? Sa pamamagitan ng pagtingin sa nilalaman ng kanilang pananalita. Kung ang bawat salita nila ay totoo, at nagmumula sa kaibuturan ng kanilang mga puso, nang walang anumang pagnanasa o ambisyon, at walang mga hangarin sa likod ng kanilang pananalita, kung prangka at matatapat na salita lamang ang sinasabi nila, at nagagawa nilang magtapat sa iba tungkol sa sarili nilang mga paghihirap at kahinaan, at pinagbabahaginan at ibinabahagi nila sa iba ang tanglaw at kaliwanagang natatanggap nila, kung matapat sila sa anumang nais nilang gawin, inilalantad at ibinubunyag ang buong pagkatao nila, kung gayon ay hindi ba’t tagapaghangad ang mga ito ng katotohanan? Huwag na muna nating pag-usapan kung nagbago ang kanilang disposisyon o hindi, o kung gaano kalaki ang ipinagbago nito, ngunit batay sa mga paghahayag at pagpapamalas na ito, ang mga ito ay mga taong nagsasagawa ng katotohanan. Ngayon, tingnan natin ang paraan ng pagtrato nila sa ibang tao. Nagagawa nilang tratuhin ang mga tao nang patas at hindi pinipigilan ang mga ito, sinusuportahan at tinutulungan nila ang mahihinang kapatid, at hindi nila pinagtatawanan ang mga ito. Higit pa roon, tapat sila at isinasaalang-alang nila ang mga layunin ng Diyos sa kanilang mga tungkulin, at anuman ang mga paghihirap na kanilang kinahaharap, hindi sila sumusuko, at nagagawa nilang ipagtanggol ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Hindi ba’t mga pagpapamalas ito ng mga taong nagsasagawa ng katotohanan? (Oo.) Ang gayong mga tao ay medyo matuwid at nagmamahal sa katotohanan sa isang medyo mataas na antas. Maaaring magsalita ang isang tao nang pinong-pino, manamit nang maayos na maayos, at magmukhang masigasig sa panlabas, ngunit ano naman ang nilalaman ng kanyang pananalita? Sinasabi niya, “Dati akong ipinareha sa lider na si ganito-at-ganyan, at mayroon siyang depekto sa pagsasalita, kaya kinailangan kong mas magsalita sa pagbabahagi sa mga pagtitipon—kailangang mas magtrabaho ang mas magaling, hindi ba? Ang resulta, sinimulan akong idolohin ng mga kapatid, hindi ko sila masisisi, kinailangan kong ipagpatuloy ang pagbabahagi. Matapos ko silang personal na diligan, maraming kapatid ang medyo naging malapit sa akin, kaya kapag nagkakaroon ng problema ang sinuman sa kanila, kadalasan ay nalulutas ko ito. Kapag nanghihina ang ilang tao, kailangan ko lang magbahagi sa kanila, at nanunumbalik na ang kanilang lakas. Wala na akong ibang kapintasan, ang pinakamalaking kahinaan ko ay ang malambot kong puso. Hindi ko kayang panooring nagdurusa ang iba; sa tuwing nagdurusa ang sinuman, nababalisa ako, at ninanais kong ako na ang magdusa sa halip na sila.” Ano ang ibig sabihin ng mga salitang ito? Parang wala namang problema sa mga salitang ito, ngunit mayroon bang problema sa mga motibo ng kanyang pananalita? (Oo, itinataas at pinatototohahan niya ang kanyang sarili.) Ano ang disposisyon ng gayong tao? Mapagmataas at mapanlinlang ang kanyang disposisyon, gusto niyang gamitin ang pamamaraang ito at gamitin ang lahat ng salitang ito upang magkaroon ng epekto, upang bahagyang magpahiwatig ng ibang bagay, manghikayat ng ibang tingalain at sambahin siya. Ito ang layunin at hangarin ng kanyang mga salita. Pakikinggan siya ng mga taong naguguluhan na walang pagkilatis at iisiping, “Napakadakila ng taong ito, hindi nakapagtatakang isa siyang lider, mas mahusay siya sa amin, angkop siyang maging lider.” Ganito ang pag-iisip ng isang taong naguguluhan na hindi nakakikita ng totoo sa mga bagay-bagay. Maiintindihan ng mga taong may pagkilatis na: “Napakarami niyang sinabi tungkol sa kung gaano siya kahusay, kung gaano siya kasipag magtrabaho at sa mga serbisyong ginampanan niya, tungkol sa kung paano niya nabigyang-pakinabang at natulungan ang mga kapatid, nang sa gayon ay tingalain siya ng mga tao, habang lagi’t laging sinasabing ayaw niyang tingalain siya ng mga tao. Sa katunayan, walang-kapaguran siyang nagmamadali at nagtatrabaho para lamang tingalain at sambahin siya ng mga tao. Bukod sa mapagmataas siya ay masyado rin siyang mapanlinlang! Gusto niyang makuha ang loob ng mga tao, makipagkompitensiya sa Diyos para sa katayuan, at ginagamit niya ang pamamaraang ito upang iligaw ang mga tao. Hindi ba’t tulad lang siya ni Pablo? Isa siyang diyablo! Napakatagal niyang nagsalita nang walang anumang binabanggit tungkol sa sarili niyang mga pagkakamali at pagkukulang, na para bang wala siyang mga tiwaling disposisyon; ang mga kahinaang sinabi niya ay nakahihikayat sa mga tao na labis siyang kainggitan at hangaan, at maramdamang hindi sila sapat. Bagaman hindi niya tuwirang hinihikayat ang mga taong sambahin at purihin siya, ang epekto ng kanyang mga salita ay nakahihikayat sa mga taong purihin at sambahin siya; nakukuha at naaagaw niya ang loob ng mga tao, at naililigaw niya ang mga taong naguguluhan at ang mga taong walang-alam at hindi pa husto ang tayog. Hindi ba’t panlilihis iyon sa mga tao? Napakamapaminsala at napakasama ng mga motibo sa likod ng kanyang mga salita! Ang taong ito ay pasok sa kategorya ng mga anticristo, madali itong makilatis.” May malinaw na pagkakaiba sa ganitong dalawang uri ng tao. Ang isang uri ng tao ay nagsasalita nang napakalinaw at simple, ngunit totoo siya, at nagsasalita siya nang matapat at mula sa puso; anuman ang kanyang sabihin, hindi siya sasambahin ng mga tao, bagkus ay papaboran lamang siya sa kanilang mga puso. Ang ganitong uri ng tao ay hindi mang-aagaw ng puso ng mga tao o sasakop ng puwang sa kanilang mga puso, at kaya niyang tratuhin ang mga tao bilang mga kapantay niya; hindi niya mapipigilan, mamamanipula o makokontrol ang mga tao. Isa itong tunay na mabuting tao. Walang anuman sa kanyang pananalita, sa paraan ng kanyang pag-asal at pagharap sa mga bagay, ang naghahayag ng anumang ambisyon o pagnanasa, o nagpapakitang ninanais niyang magkontrol ng mga tao o sumakop ng puwang sa puso ng mga tao; hindi niya taglay ang disposisyong iyon, isa siyang taong may pagkatao. Ang mga taong buktot, na palaging naghahangad at nagnanais na magkontrol ng iba, ay talagang gumagalang sa kapangyarihan at katayuan, kaya madalas silang magsabi ng mga bagay na nagpapasikat at nagpapatotoo sa kanilang sarili, at gumagawa ng mga bagay na nagliligaw at nagkokontrol sa mga tao. Malinaw na isa itong satanikong disposisyon; ang mga ito ay mga taong walang pagkatao. May ilang taong walang talento, walang mga kalakasan, at walang mga kakayahan, at sa panlabas ay mukha silang may magandang asal at simple. Mukha silang inaapi at itinatakwil sa mga grupo ng tao, at nagtatrabaho sila nang masipag at di-kapansin-pansin. Nangangahulugan ba itong mga tagapaghangad sila ng katotohanan? Mayroon ba silang mga ambisyon? (Oo.) Bakit natin sinasabing ang ganitong uri ng tao ay may mga ambisyon din? (Dahil ang lahat ng tao ay may mga tiwaling disposisyon.) Tama iyon, mayroon silang tiwaling disposisyon, kaya may mga ambisyon sila, wala lang sila sa lugar para isakatuparan ang mga ambisyong ito. Walang nagbibigay sa kanila ng pagkakataon, at hindi sila makahanap ng pagkakataon, kaya nakatago ang kanilang mga ambisyon. Sa sandaling makakuha ang ganitong uri ng tao ng pagkakataong isakatuparan ang kanilang mga ambisyon, sa isang angkop na konteksto, at sa isang angkop na sandali, mabubunyag ang kanilang mga ambisyon. Sa sandaling iyon ay matutuklasan mong ang may magandang asal at simpleng taong ito, na wala halos masabi nang malinaw, ay hindi malaya sa tiwaling disposisyon. Makikita mong hindi siya walang ambisyon, at lalong wala siyang mabuting pagkatao o hindi mas kaunti ang katiwalian niya. Kung hindi Ko nilinaw ang bagay na ito, iisipin pa rin ng ganoong uri ng tao na, “Mabuting tao ako, hindi ko kailangang baguhin ang disposisyon ko, nauunawaan ko ang katotohanan, isa akong taong nagpapasakop sa Diyos, matagal ko nang taglay ang katotohanang realidad. Kayong lahat ay may mga tiwaling disposisyon, kailangan ninyong mahatulan, makastigo, at mapungusan dahil lubha kayong tiwali, lahat kayo ay may kakayahan, at masyadong mapagmataas.” Hindi ba’t pangangatwiran itong para sa kanila ay baluktot? Isa pa itong uri ng pagmamataas. Ang mga tao ay may mga tiwaling disposisyon, at naipamamalas ang pagmamataas sa maraming iba’t ibang paraan at anyo, kaya nahihirapan ang mga taong kumilatis, at halos nagiging imposible para sa kanilang mag-ingat laban sa mga ito. Wala bang mga mapagmataas na disposisyon ang mga taong walang pakinabang at mahina ang ulo? Wala ba silang mga tiwaling disposisyon? Taglay rin nila ang mga disposisyong ito; kahit ang mga hangal ay mapagmataas. Ang mga taong may kaunting kaalaman ay hindi lamang mapagmataas, kundi natutuhan na rin nilang magpanggap, at mas mahusay sila sa panlilihis ng mga tao; hindi ito madaling kilatisin. Kapag kinikilatis ng mga walang pananampalataya ang iba, kinikilala lamang nila ang kaibahan ng mabubuti sa masasamang tao alinsunod sa mga moral na pamantayan ng tradisyonal na kultura, at hinahatulan ito batay lamang sa pag-uugali at mga pagpapamalas ng isang tao. Binibigyang-daan ba sila nitong makita ang tunay na kalikasan at diwa ng taong iyon? (Hindi.) Kung gayon ay paano mo ba mismo makikilatis ang mga tao? Sa anong batayan mo tumpak na makikilatis ang mga tao at makikita ang tunay nilang pagkatao? Walang duda, ang mga tao ay makikilatis lamang nang tumpak batay sa katotohanan at sa salita ng Diyos, tiyak na tiyak ito. May ilang taong kumikilatis ng iba sa pamamagitan lamang ng paghahambing sa pag-uugali ng mga ito sa mga kuru-kuro at imahinasyon at tradisyonal na moralidad ng tao; posible bang makita ang tunay na pagkatao ng mga tao sa ganitong paraan? Hindi talaga. Mahalagang obserbahan ang mga kaisipan, perspektiba, at layuning inihahayag ng mga tao, batay sa salita ng Diyos; mahalagang tingnan ang mga motibo at hangarin ng mga salita at kilos ng mga tao—iyon lamang ang paraan upang matuklasan kung ano talaga ang kanilang mga tiwaling disposisyon at kalikasan. Sinuman siya, basta’t naghahayag siya ng maraming pananaw sa mga bagay-bagay, at nakapagpapahayag ng sarili niyang mga opinyon sa lahat ng bagay, napakadaling kilatisin ng kanyang tiwaling disposisyon at ng kanyang kalikasang diwa. Kung ang kanyang mga pananaw at opinyon ay lubos na hindi nakaayon sa katotohanan, hindi ba’t lubusang nalalantad ang kayang tiwaling disposisyon at satanikong kalikasan? Samakatuwid, basta’t kinikilatis mo ang mga tao alinsunod sa salita ng Diyos at sa katotohanan, makikita mong lahat ng tao ay may mga tiwaling disposisyon at satanikong kalikasan, at na kailangan nilang lahat ang pagliligtas ng Diyos.

Ang mga taong nakauunawa sa katotohanan ay madaling makakita ng totoo sa mga bagay-bagay at nakakikilatis ng mga tao. Marunong ka bang kumilatis ng mga tao? Marunong ka bang mag-obserba sa lahat ng uri ng tao, pangyayari, at bagay sa iyong buhay? Kung hindi, ipinakikita nitong hindi mo pa rin talaga nauunawaan ang katotohanan. Upang makakilatis ng mga tao, kailangan mo munang makilatis kung ang sinasabi mo ay nakaayon sa katotohanan at kung may mga prinsipyo ang ginagawa mo. Kapag alam mo kung paano kilatisin ang sarili mong mga salita at gawa, at nakikita mo ang mga problema at nalulutas ang mga iyon, magagawa mong kilatisin ang mga tao. Ang kaalaman kung paano kumilatis ng lahat ng uri ng tao, pangyayari at bagay ay hindi isang madaling bagay; hindi ito isang bagay na makakamit sa pamamagitan lamang ng kaalaman kung paano bumigkas ng ilang salita at doktrina. Kailangan mong magdanas ng maraming bagay, at kahit papaano ay magdanas ng maraming kabiguan at balakid. Saka mo lamang makikilala ang iyong sarili. Simulan mong magsanay sa pamamagitan ng pagkilala sa iyong sarili, at unti-unti mong matututuhan kung paano kumilatis ng lahat ng uri ng tao, pangyayari, at bagay. Inaaral munang kilatisin ang sarili, nagagawang malinaw na kilatisin ang sarili mong pag-uugali at ang sarili mong tiwaling disposisyon, pati na ang iyong mga paglihis, kalagayan, at kakulangan, at nakikita ang totoong diwa ng mga bagay na ito—ito ang kahulugan ng pagkakaroon ng pagkilatis. Kung makikilatis mo nang mabuti ang iyong sarili, makikilatis mo rin ang iba; kung hindi mo makikilatis nang mabuti ang sarili mong mga usapin, hindi talaga magiging tumpak ang pagkilatis mo sa iba. May ilang tao na malinaw na malinaw na nakikilatis ang mga problema ng iba, ngunit hindi umaaming may mga problema sila kapag nagagawa nila ang parehong mga pagkakamali. Ano ang problema rito? Hindi ba’t isa itong problema sa kanilang disposisyon? Sa mga normal na sitwasyon, ang pagkilatis sa iba, sa totoo, ay pareho ng pagkilatis sa iyong sarili. Kung nakikilatis mo nang mabuti ang iba ngunit hindi mo pinagninilayan at kinikilala ang iyong sarili, at iniisip mo pa ngang mas malakas ka sa iba, nanganganib ka—mayroon kang mga hindi tamang layunin at may problema sa disposisyon mo. May ilang taong napakahusay sa pagkilatis sa iba, at ang lahat ng sinasabi nila ay malinaw at may katuturan, ngunit hindi nila makilatis ang sarili nilang mga problema. Totoo ba ito? Isa itong palabas, mapanlinlang ito. Sa katunayan, hindi sa walang kakayahan ang mga taong ito; may pagkilatis sila sa kanilang sarili, ngunit hindi nagsasabi ng totoo tungkol sa mga ito. Alam nila sa kanilang mga puso kung ano ang nangyayari, ngunit hindi nila ito sinasabi. Ang ganitong uri ng tao ay mapanlinlang magsalita at napakasinungaling; ang taong sinungaling magsalita ay hindi isang matapat na tao, kundi isang buktot at mapanlinlang na tao, isang taong nagsisinungaling. Kung kaya ng isang taong kilatisin nang malinaw ang kanyang sarili, at kayang suriin at ilantad ang kanyang sarili para sa kapakinabangan ng iba, isa itong taong tunay na nakauunawa sa katotohanan, na matuwid at matapat ang karakter, at na nagtatapat sa isang dalisay na paraan. Hindi ito isang simpleng bagay; ang ganitong uri ng tao ay kayang magsagawa sa katotohanan sa sandaling maunawaan niya ito, at isa talaga siyang taong naghahangad sa katotohanan, at isang taong kinalulugdan ng Diyos. Upang maisagawa ang katotohanan sa sandaling maunawaan mo ito, kailangan mo munang magkaroon ng mabuting karakter, at maging isang matapat na tao. Bagama’t lahat ay handang hangarin ang katotohanan, ang pagpasok sa katotohanang realidad ay hindi basta-basta. Ang susi ay pagtuunan ang paghahanap ng katotohanan at pagsasagawa ng katotohanan. Kailangan mong pagnilayan ang mga bagay na ito sa iyong puso araw-araw. Anumang mga problema o paghihirap ang makaharap mo, huwag kang susuko sa pagsasagawa ng katotohanan; dapat mong matutuhan kung paano hanapin ang katotohanan at pagnilayan ang iyong sarili, at sa huli ay isagawa ang katotohanan. Ito ang pinakamahalagang bagay sa lahat. Talagang hindi ka dapat magtangka na protektahan ang sarili mong mga interes, at kung uunahin mo ang sarili mong mga interes, hindi mo maisasagawa ang katotohanan. Tingnan mo ang mga taong sariling kapakanan lamang nila ang iniisip—sino sa kanila ang nakapagsasagawa ng katotohanan? Wala ni isa sa kanila. Ang mga nagsasagawa ng katotohanan ay pawang matatapat na tao, nagmamahal sa katotohanan at mababait. Silang lahat ay mga taong may konsensiya at katwiran, na kayang talikuran ang sarili nilang mga interes, banidad, at pagmamalaki, na kayang maghimagsik laban sa laman. Ito ang mga taong kayang magsagawa ng katotohanan. Ang unang kailangan mong lutasin upang maisagawa ang katotohanan ay ang sarili mong kasakiman at ang sariling kapakanan lang ang iniisip na disposisyon; sa sandaling malutas ang problemang ito, hindi ka na magkakaroon ng anumang malaking paghihirap. Basta’t kaya mong tanggapin ang katotohanan, alamin ang sarili mong tiwaling disposisyon, at hanapin ang katotohanan upang lutasin ito, maisasagawa mo ang katotohanan. Kung hindi mo tinatanggap ang katotohanan, hindi mo malulutas ang problema ng iyong tiwaling disposisyon, at sa ganitong paraan, hindi mo maisasagawa ang katotohanan. Ang pinakamalaking balakid sa pagsasagawa sa katotohanan ay ang isang tiwaling disposisyon, lalong-lalo na ang isang makasarili, kasuklam-suklam, at sariling kapakanan lang ang iniisip na disposisyon. Basta’t ang problema ng iyong tiwaling disposisyon ay nalutas na, ang ibang balakid ay hindi talaga magdudulot ng problema sa iyo. Siyempre, kaya hindi makapagsagawa ng katotohanan ang ilang tao ay dahil umiiral pa rin ang isang uri ng tiwaling disposisyon sa kaibuturan nila, iyon ay ang mapagmataas at mapagmagaling na disposisyon. Ang laging pagkakaroon ng labis na pagtingin sa sarili, at laging pag-iisip na tama ang sarili nilang mga pananaw, laging pagnanais na gawin ang mga bagay-bagay sa sarili nilang paraan, ito ay pagmamataas at pag-aakalang mas matuwid kaysa sa iba at kawalan ng kakayahang tanggapin ang katotohanan. Ito ang pinakamalaking balakid na hinaharap ng mga taong ito sa pagsasagawa sa katotohanan. Kung kaya nilang hanapin ang katotohanan upang malutas ang paghihirap na ito, hindi sila magkakaroon ng malalaking problema sa pagsasagawa sa katotohanan. Tungkol naman sa ibang problema, basta’t kaya nilang pagnilayan ang kanilang sarili, alamin ang sarili nilang mga kalagayan, hanapin ang katotohanan, at maghanap ng ilang nauugnay na sipi ng salita ng Diyos upang pag-isipan at pagbahaginan, madaling malulutas ang anumang problema. Kailangan ng mga taong naghahangad sa katotohanan na pag-isipan at hanapin ang katotohanan upang malutas ang kanilang mga problema araw-araw, dahil bukod sa paggawa sa kanilang mga tungkulin, maaaring makatagpo ang mga tao ng maraming bagay na direktang may kaugnayan sa pagsasagawa ng katotohanan araw-araw; kahit pa hindi sila lumalabas o nakikipag-ugnayan sa ibang tao, posibleng mabanggit ang ilang usapin tungkol sa pagsasagawa ng katotohanan. Halimbawa, kung paano ka nabubuhay sa araw na iyon, kung ano dapat ang pangunahing pinagtutuunan ng iyong buhay sa araw na iyon, kung paano mo ito dapat isaayos, kung ano ang mga tungkuling dapat mong gampanan, kung paano mo dapat hanapin ang katotohanan upang malutas ang mga paghihirap na nakahaharap mo sa iyong tungkulin, kung ano ang mga tiwaling bagay na umiiral sa iyong puso na kailangan mong pagnilayan, maunawaan, at malutas—ang lahat ng bagay na ito ay tumutukoy sa mga aspekto ng katotohanan, at kung hindi mo hahanapin ang katotohanan upang malutas ang mga iyon, maaaring hindi mo magampanan nang mabuti ang iyong tungkulin sa araw na iyon, at hindi ba’t isa iyong tunay na problema? Kung ang tanging iniisip mo kapag wala kang ginagawa bawat araw ay may kinalaman sa kung paano lulutasin ang iyong tiwaling disposisyon, paano isasagawa ang katotohanan, at paano mauunawaan ang mga katotohanang prinsipyo, matututuhan mong gamitin ang katotohanan para lutasin ang iyong mga problema ayon sa mga salita ng Diyos. Sa gayon ay magkakaroon ka ng kakayahang mamuhay nang nakapagsasarili, at makakapasok ka na sa buhay, wala ka nang haharaping matitinding paghihirap sa pagsunod sa Diyos, at unti-unti, makakapasok ka sa katotohanang realidad. Kung, sa iyong puso, nahuhumaling ka pa rin sa katanyagan at katayuan, abala pa rin sa pagpapakitang-gilas at pagpapatingala sa iba sa iyo, hindi ka isang taong naghahangad ng katotohanan kung gayon, at maling landas ang tinatahak mo. Ang hinahangad mo ay hindi ang katotohanan, ni ang buhay, kundi ang mga bagay na gustung-gusto mo, ito ay ang katanyagan, pakinabang, at katayuan—kung ganoon, walang kaugnayan sa katotohanan ang anumang gagawin mo, ang lahat ng ito ay paggawa ng masama, at pagtatrabaho. Kung, sa puso mo, minamahal mo ang katotohanan, at lagi kang nagsisikap para sa katotohanan, kung naghahangad ka ng disposisyonal na pagbabago, nagkakamit ng tunay na pagpapasakop sa Diyos, at nagkakaroon ng takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan, at kung nakokontrol mo ang sarili mo sa lahat ng ginagawa mo, at nagagawa mong tanggapin ang pagsusuri ng Diyos, patuloy na bubuti ang iyong kalagayan, at ikaw ay magiging isang taong namumuhay sa harap ng Diyos. Ang mga taong nagmamahal sa katotohanan ay tumatahak sa landas na naiiba sa mga hindi nagmamahal sa katotohanan: Ang mga taong hindi nagmamahal sa katotohanan ay laging nakatuon sa pamumuhay ayon sa mga pilosopiya ni Satanas, nasisiyahan na sila sa panlabas na mga pagpapakita ng mabuting asal at pagiging maka-Diyos, ngunit sa kanilang puso ay mayroon pa ring mga ambisyon at hangarin, at naghahangad pa rin sila ng katanyagan, pakinabang at katayuan, nais pa rin nilang mapagpala at makapasok sa kaharian—ngunit dahil hindi nila hinahangad ang katotohanan, at ang kanilang mga tiwaling disposisyon ay hindi pa naiwawaksi, lagi silang namumuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Ang lahat ng nagmamahal sa katotohanan ay hinahanap ito sa lahat ng bagay, pinagninilayan nila ang kanilang sarili at sinusubukan na makilala ang kanilang sarili, pinagtutuunan ang pagsasagawa ng katotohanan, at palagi silang may pusong nagpapasakop sa Diyos at may takot sa Diyos sa kanilang mga puso. Kung may anumang kuru-kuro o maling pagkaunawa tungkol sa Diyos na lumilitaw sa kanila, agad silang nagdarasal sa Diyos at naghahanap ng katotohanan para malutas ang mga ito. Pinagtutuunan nila ang maayos na paggampan sa kanilang mga tungkulin, para matugunan ang mga layunin ng Diyos; at nagsisikap sila tungo sa katotohanan at naghahangad ng kaalaman tungkol sa Diyos, nagkakaroon ng may-takot-sa-Diyos na puso at lumalayo sa lahat ng masasamang gawa. Ito ang mga tao na palaging namumuhay sa harap ng Diyos.

Pebrero 1, 2018

Sinundan: Hindi Maliligtas ang Isang Tao sa Pamamagitan ng Paniniwala sa Relihiyon o Pagsali sa Seremonyang Panrelihiyon

Sumunod: Ang Pag-unawa sa Disposisyon ng Isang Tao ang Pundasyon ng Pagbabago Nito

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito