Hindi Maliligtas ang Isang Tao sa Pamamagitan ng Paniniwala sa Relihiyon o Pagsali sa Seremonyang Panrelihiyon
Karamihan sa inyo ay nakatakas na mula sa relihiyon at tinanggap ang gawain ng Diyos sa mga huling araw. Kumakain kayo at umiinom ng mga kasalukuyang salita ng Diyos araw-araw, dumadalo sa kasalang piging ng Kordero, at nakapaglatag na ng pundasyon sa tamang daan. Tapat ninyong ginugugol ang inyong sarili para sa Diyos at nakuha na ang Kanyang pagsang-ayon. Ngayon, ano ang kaalaman at pagpapahalaga ninyo sa konsepto ng pananampalataya sa Diyos? Paano naiiba ang mga ito sa pagkaunawa ng pananampalataya sa Diyos na mayroon kayo sa loob ng relihiyon? Sa ngayon, nauunawaan ba ninyo kung ano talaga ang paniniwala sa relihiyon at pananampalataya sa Diyos? May pagkakaiba ba ang paniniwala sa relihiyon at pananampalataya sa Diyos? Nasaan ang pagkakaiba? Nalaman na ba ninyo ang mga sagot sa mga tanong na ito? Anong klase ng tao ang karaniwang mga naniniwala sa relihiyon? Ano ang kanilang pokus? Paano dapat bigyang-kahulugan ang paniniwala sa relihiyon? Ang paniniwala sa relihiyon ay pagkilala na may Diyos, at gumagawa ng ilang partikular na pagbabago sa kanilang pag-uugali ang mga naniniwala sa relihiyon: Hindi sila nananakit o nangmumura ng mga tao, hindi sila gumagawa ng masasamang bagay na nakasasakit ng mga tao, at hindi sila gumagawa ng iba’t ibang krimen o lumalabag sa batas. Tuwing Linggo, pumupunta sila sa simbahan. Ito ang mga naniniwala sa relihiyon. Nangangahulugan ito na ang mabuting asal at madalas na pagdalo sa pagtitipon ay patunay na ang isang tao ay nananalig sa relihiyon. Kapag ang isang tao ay nananalig sa relihiyon, kinikilala niya na may Diyos, at sa palagay niya, ang pananalig sa Diyos ay ang maging isang mabuting tao; basta’t hindi siya nagkakasala o gumagawa ng masasamang bagay, mapupunta siya sa langit pagkamatay niya at magkakaroon siya ng magandang kinahinatnan. Binibigyan siya ng kanyang pananampalataya ng panustos sa espirituwal na antas. Sa gayon, ang pananalig sa relihiyon ay mabibigyang-kahulugan din bilang ang sumusunod: Ang manalig sa relihiyon ay ang kilalanin, sa puso ng isang tao, na may Diyos; ang maniwala na mapupunta siya sa langit pagkamatay niya; ang magkaroon sa kanyang puso ng espirituwal na pundasyon; ang baguhin nang kaunti ang kanyang asal; at ang maging isang mabuting tao. Iyon na lahat. Tungkol naman sa kung umiiral ba o hindi ang Diyos na kanyang pinaniniwalaan, kung nakapagpapahayag ba Siya ng katotohanan, kung ano ang hinihingi ng Diyos sa kanya—wala siyang ideya. Ipinagpapalagay at hinihinuha niya ang lahat ng ito batay sa mga turo ng Bibliya. Ito ang paniniwala sa relihiyon. Ang paniniwala sa relihiyon ay pangunahing ang paghahangad ng mga pagbabago sa pag-uugali at espirituwal na panustos. Pero ang landas na tinatahak ng gayong mga tao—ang landas ng paghahangad ng mga pagpapala—ay hindi nagbago. Hindi nagbago ang kanilang mga maling pananaw, kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa pananampalataya sa Diyos. Ang saligan ng kanilang pag-iral, at ang mga mithiin at direksyon na kanilang hinahangad sa kanilang buhay, ay batay sa mga ideya at opinyon ng tradisyunal na kultura, at hindi talaga nagbago. Gayon ang kalagayan ng lahat ng tao na nananalig sa relihiyon. Kung gayon, ano ang pananampalataya sa Diyos? Ano ang depinisyon ng Diyos sa pananampalataya sa Diyos? (Ang paniniwala sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos.) Ang pinakapundamental ay ang paniniwala sa pag-iral ng Diyos at sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan. Ang maniwala sa Diyos ay ang sumunod sa mga salita ng Diyos, umiral, mamuhay, gumanap ng tungkulin ng isang tao, at makibahagi sa lahat ng aktibidad ng normal na pagkatao tulad ng hinihingi ng mga salita ng Diyos. Ang implikasyon ay na ang manalig sa Diyos ay ang sumunod sa Diyos, gawin ang hinihingi ng Diyos, mamuhay tulad ng hinihingi Niya; ang manalig sa Diyos ay ang sumunod sa daan ng Diyos. Hindi ba lubos na naiiba ang mga mithiin at direksyon sa buhay ng mga taong nananalig sa Diyos mula sa mga taong iyon na nananalig sa relihiyon? Ano ba ang kasama sa pananampalataya sa Diyos? Kasama rito kung kaya ba o hindi ng mga tao na makinig sa mga salita ng Diyos, matanggap ang katotohanan, maiwaksi ang mga tiwaling disposisyon, bitawan ang lahat upang sundan ang Diyos, at maging tapat sa kanilang mga tungkulin. Ang mga bagay na ito ay may direktang kaugnayan kung maliligtas ba sila o hindi. Alam mo na ngayon ang kahulugan ng pananampalataya sa Diyos; kung gayon, paano dapat isagawa ang pananampalataya sa Diyos? Ano ang hinihingi ng Diyos sa mga nananampalataya sa Kanya? (Na sila ay maging mga tapat na tao, at na hangarin nila ang katotohanan, pagbabago ng disposisyon, at kaalaman sa Diyos.) Ano ang mga hinihingi Diyos sa panlabas na pag-uugali ng mga tao? (Hinihingi Niya na maging taimtim ang mga tao, hindi talipandas, at na mamuhay sila ng normal na pagkatao.) Dapat magkaroon ang tao ng batayang kagandahang-asal ng isang banal at mamuhay ng normal na pagkatao. Kung gayon, ano ang dapat na taglayin ng isang tao upang magkaroon ng normal na pagkatao? Ito ay nauugnay sa maraming katotohanan na dapat isagawa ng isang tao bilang isang mananampalataya. Tanging sa pagkakaroon ng lahat ng mga katotohanang realidad nagkakaroon ng normal na pagkatao ang isang tao. Nananampalataya ba ang isang tao sa Diyos kung hindi niya isinasagawa ang katotohanan? Ano ang mga kahihinatnan ng hindi pagsasagawa sa katotohanan? Paano nga ba dapat manampalataya ang mga tao sa Diyos upang makamit ang kaligtasan, at magpasakop at sambahin ang Diyos? Ang lahat ng mga bagay na ito ay nauugnay sa pagsasagawa ng mga salita ng Diyos at pagsasagawa ng maraming katotohanan. Kung kaya, dapat sumampalataya ang isang tao sa Diyos alinsunod sa mga salita ng Diyos at sa Kanyang mga hinihingi, at dapat siyang magsagawa alinsunod sa Kanyang mga hinihingi; ito lang ang tunay na pananampalataya sa Diyos. Tumutukoy ito sa ugat ng usapin. Ang pagsasagawa ng katotohanan, pagsunod sa mga salita ng Diyos, at pamumuhay alinsunod sa mga salita ng Diyos: Ito ang tamang paraan ng buhay ng tao; ang pananampalataya sa Diyos ay nauugnay sa landas ng buhay ng tao. Ang pananampalataya sa Diyos ay nauugnay sa napakaraming katotohanan, at dapat maunawaan ng mga tagasunod ng Diyos ang mga katotohanang ito. Paano nila masusundan ang Diyos kung hindi nila nauunawaan at tinatanggap ang katotohanan? Kumikilala at nagtitiwala lamang ang mga taong nananalig sa relihiyon na may Diyos—pero hindi nila nauunawaan ang mga katotohanang ito, ni tinatanggap ang mga ito, kung kaya ang mga taong nananalig sa relihiyon ay hindi mga tagasunod ng Diyos. Sa paniniwala sa relihiyon, ayos lang na ipakita na kumikilos ka nang maayos, nagpipigil at sumusunod sa mga regulasyon, at may espirituwal na panustos. Kung maayos ang inaasal ng isang tao at may pundasyon at panustos para sa kanyang espiritu, nagbabago ba ang kanyang landas sa buhay? (Hindi.) Sinasabi ng ilang tao na ang paniniwala sa relihiyon at pananampalataya sa Diyos ay magkapareho. Kung gayon, sinusunod ba ng mga taong iyon ang Diyos? Nananampalataya ba sila sa Diyos ayon sa Kanyang mga hinihingi? Tinanggap na ba nila ang katotohanan? Kung hindi ginagawa ng isang tao ang mga bagay na ito, siya nga ay hindi nananampalataya sa Diyos o tagasunod Niya. Ang pinakamalinaw na pagpapamalas ng isang tao ng paniniwala sa relihiyon ay ang kawalan ng pagtanggap sa kasalukuyang gawain ng Diyos at sa katotohanan na Kanyang ipinahahayag. Makikilala ang mga naniniwala sa relihiyon sa katangiang ito; hinding-hindi sila tagasunod ng Diyos. Ang paniniwala sa relihiyon ay paghahangad lamang ng pagbabago ng ugali at espirituwal na panustos; wala itong kasamang anumang katotohanan. Kaya nga, hindi mababago ang disposisyon sa buhay ng mga naniniwala sa relihiyon, ni hindi nila isasagawa ang katotohanan o pakikinggan ang mga salita ng Diyos at magpapasakop sa Kanya. Dahil dito ay hindi rin sila magkakaroon ng totoong kaalaman sa Diyos. Kapag naniniwala ang isang tao sa relihiyon, gaano man kaganda ang kanyang ugali, gaano man katibay ang kanyang pagkilala sa Diyos, at gaano man kataas ang kanyang teorya ng pananampalataya sa Kanya, hindi siya tagasunod ng Diyos. Sino ang sinusundan niya, kung gayon? Ang sinusundan niya ay si Satanas pa rin. Ano ang basehan sa kung ano ang isinabubuhay, hinahangad at pinananabikan, at isinasagawa niya? Saan nakabatay ang kanyang pag-iral? Siguradong hindi ang katotohanan sa mga salita ng Diyos. Patuloy siyang namumuhay sa tiwaling disposisyon ni Satanas, kumikilos siya ayon sa lohika at pilosopiya ni Satanas. Lahat ng sinasabi niya ay kasinungalingan, nang wala ni katiting na katotohanan. Ang kanyang satanikong disposisyon ay hindi sumailalim sa anumang pagbabago, at si Satanas pa rin ang sinusundan niya. Ang lahat ng kanyang pananaw sa buhay, mga prinsipyo, paraan ng pakikitungo sa mundo, at mga prinsipyo ng pag-uugali ay mga pagbubunyag lahat ng kalikasan ni Satanas. Tanging ang panlabas niyang pag-uugali ang bahagyang nabago, ngunit ang landas ng kanyang buhay, paraan ng pag-iral, at pananaw sa mga bagay-bagay ay hindi man lang nagbago. Kung ang isang tao ay totoong mananampalataya ng Diyos, ano ang maaaring magbago sa kanya sa loob ng ilang taon? (Ang kanyang pananaw sa buhay at mga prinsipyo ay magbabago.) Ang pinakapundasyon ng pag-iral ng taong iyon ay magbabago. Kung magbabago ang pundasyon ng kanyang pag-iral, ano ang magiging basehan ng kanyang buhay? (Ang buhay niya ay magbabase sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan.) Kung gayon, ngayon ba ay namumuhay na kayo araw-araw ayon sa mga salita ng Diyos sa inyong pananalita at mga pagkilos? Halimbawa, hindi ka na nagsisinungaling: Bakit ganoon? Ano ang iyong basehan doon? (Ang hinihingi ng Diyos na maging tapat ang isang tao.) Kapag tumigil ka sa pagsisinungaling at sa panlilinlang, ito ay base sa mga salita ng Diyos, ang hinihingi na maging tapat na tao, at sa katotohanan. At hindi ba’t ang landas na tinatahak mo sa buhay ay iba na?
Ngayon, bilang pagbubuod: Ano ang paniniwala sa relihiyon? Ano ang pananampalataya sa Diyos? Ano ang mga pangunahing pagkakaiba ng dalawang ito? Ang maniwala sa relihiyon ay ang magkaroon ng pananalig sa isang relihiyon, ang sumunod sa mga regulasyon nito, ang sumunod sa ibang tao at kay Satanas, at ang mamuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Ang manampalataya sa Diyos ay ang tanggapin ang Kanyang mga salita, tanggapin ang katotohanan, magpasakop sa Kanyang gawain, at gampanan ang tungkulin ng isang tao ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Iyon ang ibig sabihin ng pagsunod sa Diyos. Ito ang mga pangunahing pagkakaiba ng paniniwala sa relihiyon at ng pananampalataya sa Diyos. Habang ginagampanan ninyo ang inyong mga tungkulin sa sambahayan ng Diyos, ang ilan sa inyo ay tinatanggap ang katotohanan at nagbabago nang kaunti, habang ang iba naman ay hindi tinatanggap ang katotohanan at hindi nagbabago. Mapag-iiba mo ba ang dalawang uri ng mga taong iyon, iyong mga naniniwala sa relihiyon at iyong nananampalataya sa Diyos? Ang susi ay ang tingnan kung hinahangad ba ng isang tao ang katotohanan at kung ano ang landas na pinipili niyang tahakin. Kung hinahangad mo ang magandang pag-uugali, espirituwal na panustos, at pagsunod sa mga regulasyon, at kung ang layon mo ay ang personal na pakinabang sa iyong paghahangad, nang hindi man lang hinanahangad ang katotohanan, at sa halip ay ang mga panlabas lang ng isang mabuting tao, isang taong may ilang magandang ugali, ngunit hindi ang katotohanang realidad—gaano nga ba kabuti ang isang katulad mo? Ang tiwaling disposisyon at kalikasang diwa ng gayong tao ay hindi man lang nagbago. Maaaring mahusay siyang magsalita, ngunit kapag nahaharap sa mga pagsubok, hindi siya matatag na makapanindigan. Baka magreklamo pa nga siya tungkol sa Diyos at ipagkanulo ang Diyos. Ito ay mga naniniwala sa relihiyon. Yaong mga may pananampalataya sa Diyos ay kayang tanggapin ang lahat ng mga katotohanang ipinahahayag Niya. Nakakapagnilay-nilay sila at nakikilala ang kanilang sarili ayon sa katotohanan, tunay na nagsisisi, at sa huli ay isinasagawa ang katotohanan, nagpapasakop sa Diyos, at namumuhay ayon sa mga salita ng Diyos. Kapag nahaharap sa mga pagsubok at mga paghihirap, matatag silang nakakapanindigan, nakapagbibigay ng kahanga-hangang patotoo, at tapat na nakakasunod sa Diyos hanggang sa huli. Ito ang mga totoong nananampalataya sa Diyos. Ito ang pagkakaiba ng mga naniniwala sa relihiyon at ng mga may pananampalataya sa Diyos.
Mayroon ba sa inyo na sa puso ay naniniwala sa isang malabong Diyos sa langit, subalit palaging may kuru-kuro tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao? Kung tunay na may gayong mga tao, sila nga ay mga naniniwala sa relihiyon. Ang mga naniniwala sa relihiyon ay hindi kinikilala ang Diyos na nagkatawang-tao sa kanilang puso, at kahit na maniwala man sila, palagi silang may mga kuru-kuro tungkol sa Kanya at hindi kailanman kayang magpasakop. Hindi nga ba ganoon? Mas tumpak na sabihing ang gayong mga tao ay hindi mga nananampalataya sa Diyos. Kahit sabihin man nila na naniniwala sila sa Diyos, ang totoo, hindi sila gaanong naiiba sa mga naniniwala sa relihiyon. Sa kanilang puso, ang pinaniniwalaan lang nila ay ang isang malabong Diyos; mga tagasunod sila ng mga panrelihiyong kuru-kuro at regulasyon. Kaya, ang sinumang hindi naghahangad sa katotohanan, na nakatuon lamang sa magandang pag-uugali at pagsunod sa mga regulasyon, hindi isinasagawa ang katotohanan, at hindi man lang nagbabago ni katiting ang disposiyon, ang ginagawa ng taong iyon ay ang paniniwala sa relihiyon. Anong katangian ang tumutukoy sa yaong mga naniniwala sa relihiyon? (Nakatuon lamang sila sa panlabas na mga gawain at sa pagpapakita na maganda ang asal nila.) Ano ang mga prinsipyo at basehan para sa kanilang mga pagkilos? (Ang mga satanikong pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo.) Anong mga satanikong pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo at mga sataniko at tiwaling disposisyon ang mayroon? Ang pagiging baliko at panlilinlang; pagkakaroon ng sariling batas; kayabangan at kapalaluan; pagiging mapagpasya sa lahat ng bagay; hindi kailanman paghahanap sa katotohanan o pakikipagbahaginan kasama ang mga kapatid; at kapag kumikilos, pag-iisip ng mga pansariling interes palagi, ng sariling pagpapahalaga sa sarili, at ng katayuan—lahat ng ito ay pagkilos base sa satanikong disposisyon. Ito ay pagsunod kay Satanas. Kung naniniwala sa Diyos ang isang tao ngunit hindi nakikinig sa Kanyang mga salita, hindi tinatanggap ang katotohanan, o hindi nagpapasakop sa Kanyang mga pagsasaayos at pangangasiwa; kung nagpapakita lamang siya ng ilang mabubuting pag-uugali, ngunit hindi magawang maghimagsik laban sa laman, at walang inaalis sa kanyang pagmamataas o kapakinabangan; kung, bagama’t mukha siyang gumagampan sa kanyang tungkulin, nabubuhay pa rin siya sa kanyang mga satanikong disposisyon, at hinding-hindi pa niya binibitawan o binabago ang kanyang mga satanikong pilosopiya at pamamaraan ng pag-iral, kung gayon, paano niya maaaring paniwalaan ang Diyos? Iyon ay paniniwala sa relihiyon. Tinatalikdan ng gayong mga tao ang mga bagay at mapagpaimbabaw na ginugugol ang kanilang sarili, ngunit kung titingnan ang landas na kanilang tinatahak at ang umpisa at simula ng lahat ng kanilang ginagawa, hindi nila ibinabatay ang mga iyon sa mga salita ng Diyos o sa katotohanan; sa halip, patuloy silang kumikilos alinsunod sa kanilang sariling mga kuru-kuro at imahinasyon, pansariling palagay, at sa kanilang mga ambisyon at pagnanais. Ang mga pilosopiya at disposisyon ni Satanas ang patuloy na pinagbabatayan ng kanilang pag-iral at mga kilos. Sa mga usapin na hindi nila nauunawaan ang katotohanan, hindi nila ito hinahanap; sa mga usapin na nauunawaan nila ang katotohanan, hindi nila ito isinasagawa, hindi dinadakila ang Diyos bilang dakila, o pinahahalagahan ang katotohanan. Bagama’t sa pangalan at salita ay naniniwala at kinikilala nila ang Diyos, at bagama’t mukha silang gumagampan sa kanilang tungkulin at sumusunod sa Diyos, namumuhay sila sa kanilang satanikong disposisyon sa lahat ng sinasabi at ginagawa nila. Ang mga bagay na sinasabi at ginagawa nila ay pawang mga pagbubunyag ng tiwaling disposisyon. Hindi mo sila makikitang nagsasagawa o dumaranas ng mga salita ng Diyos, lalong hindi mo makikita ang pagpapamalas ng kanilang paghahanap at pagpapasakop sa katotohanan sa lahat ng bagay. Sa kanilang mga ikinikilos, inuuna nila ang kanilang mga sariling kapakanan, at inuunang isakatuparan ang kanilang mga sariling hangarin at layon. Ito ba ang mga taong sumusunod sa Diyos? (Hindi.) At maaari bang makatamo ng pagbabago sa kanilang mga disposisyon ang mga taong hindi sumusunod sa Diyos? (Hindi.) At kung hindi sila makatamo ng pagbabago sa kanilang mga disposisyon, hindi ba’t kaawa-awa sila? Narinig at naintindihan nila ang mga salita ng Diyos, ngunit kapag ginagawa nila ang mga bagay-bagay, ang kanilang mga sariling kagustuhan ay masyadong matindi; wala silang kakayahang magsagawa ayon sa mga salita ng Diyos o ayon sa katotohanan, lalong hindi ayon sa mga prinsipyo. Pagkatapos ng ilang taon ng paniniwala sa Diyos, parang mas nagiging masunurin sila at mas maganda na ang asal nila. Marami silang magandang pag-uugali, at ang kanilang espirituwal na buhay ay mukhang normal naman. Walang malaking problema sa pakikitungo nila sa iba, at may ilan namang resulta ang ginagampanan nilang ilang tungkulin—ngunit mayroon silang isang problema, at ito ang pinakamalubha sa lahat. Nasaan ang problemang ito? Sa kanilang isip. Gaano man karaming taon na silang naniwala, hindi pa sila nakapagtatag ng normal na relasyon sa Diyos; anuman ang kanilang gawin o anuman ang mangyari sa kanila, ang unang bagay na iniisip nila ay: “Ano ba ang gusto kong gawin; ano ba ang para sa kapakanan ko, at ano ang hindi; ano ang maaaring mangyari kung gagawin ko ang mga bagay-bagay”—ito ang mga bagay na una nilang isinasaalang-alang. Wala man lang silang pagsasaalang-alang sa kung anong gawain ang magbibigay-kaluwalhatian sa Diyos at magpapatotoo sa Kanya, o makatutugon sa mga layunin ng Diyos, ni hindi sila nananalangin upang mahanap kung ano ang mga hinihingi ng Diyos at kung ano ang sinasabi ng Kanyang mga salita. Kailanman ay hindi nila binibigyang-pansin kung ano ang layunin o hinihingi ng Diyos, at kung paano dapat magsagawa ang mga tao upang mabigyang-kasiyahan ang Diyos. Bagama’t nananalangin sila sa Diyos kung minsan at nakikipagbahaginan sa Kanya, kinakausap lamang nila ang kanilang sarili, hindi taos-pusong hinahanap ang katotohanan. Kapag nananalangin sila sa Diyos at binabasa ang Kanyang mga salita, hindi nila iniuugnay ang mga ito sa mga bagay na nakakaharap nila sa totoong buhay. Kaya, sa kapaligirang isinaayos ng Diyos, paano nila tinatrato ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan, mga pagsasaayos at pangangasiwa? Kapag nahaharap sa mga bagay na hindi nagbibigay-kasiyahan sa kanilang mga sariling pagnanasa, iniiwasan nila ang mga ito at nilalabanan sa kanilang mga puso. Kapag nahaharap sa mga bagay na nagdudulot ng kawalan sa kanilang mga interes, o pumipigil sa pagsasakatuparan ng kanilang mga interes, ginagawa nila ang lahat ng paraan upang makahanap ng daan palabas, nagsusumikap na mapalaki ang kanilang sariling mga pakinabang at lumalaban upang maiwasan ang anumang pagkalugi. Hindi sila naghahangad na matugunan ang mga layunin ng Diyos, bagkus ang kanilang sariling mga pagnanais lamang. Ito ba ay pananampalataya sa Diyos? Ang mga ganitong tao ba ay may relasyon sa Diyos? Wala. Namumuhay sila sa mababa, nakaririmarim, mapagmatigas, at pangit na pamamaraan. Bukod sa wala silang relasyon sa Diyos, walang patid din silang sumasalungat sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Madalas nilang sinasabi, “Magkaroon nawa ng katas-taasang kapangyarihan ang Diyos at mamahala sa lahat ng bagay sa aking buhay. Handa akong hayaan ang Diyos na umupo sa trono at maghari at mamahala sa aking puso. Handa akong magpasakop sa mga pagsasaayos at pangangasiwa ng Diyos.” Gayunpaman, kapag ang mga bagay na kinakaharap nila ay nakakapinsala sa kanilang mga sariling interes, hindi sila makapagpasakop. Sa halip na hangarin ang katotohanan sa kapaligirang isinaayos ng Diyos, hinahangad nilang mag-iba ng direksyon at tumakas mula sa kapaligirang iyon. Ayaw nilang magpasakop sa mga pagsasaayos at pangangasiwa ng Diyos, sa halip ay ginagawa nila ang mga bagay-bagay ayon sa kanilang sariling kagustuhan, huwag lang mapinsala ang kanilang mga interes. Ganap nilang binabalewala ang mga layunin ng Diyos, iniintindi lang ang kanilang sariling mga interes, mga kalagayan, at ang kanilang lagay ng kalooban at damdamin. Ito ba ay pananampalataya sa Diyos? (Hindi.) Ano ang Diyos sa kanila, sa kanilang mga puso? Hindi ba’t para Siyang isang alamat? Hindi ba’t isa Siyang uri ng espirituwal na panustos? Para sa kanila, ang Diyos ay isang dayo at estranghero. Kapag maayos ang lahat, ang Diyos ang Pinakamakapangyarihan para sa kanila, ang lahat-lahat para sa kanila. Ngunit kung ang ginagawa ng Diyos ay walang pakinabang sa kanila, o nagdudulot ng pinsala sa kanilang mga interes, o sa kanilang dignidad, na nagdudulot upang mapungusan sila o dumanas ng mga pagsubok at paghihirap, paano sila tutugon? Tatakas sila, manlalaban, tatanggi, at magrereklamo pa nga. Hindi man ito sabihin ng ilang tao, ngunit nakakaramdam sila ng sakit, pagkabalisa, pagkanegatibo sa kanilang puso. Ano ang ibig sabihin ng pagiging negatibo? Ang ibig sabihin nito ay hindi nila tinatanggap ang katotohanan sa kanilang puso at palagi silang lumalaban at mapanghimagsik laban sa Diyos. Hindi tumatanggap ng mga pagsubok at pagpipino ang ilang tao, iniisip nilang hindi tamang gawin ng Diyos ang gayong mga bagay. Kapag nahaharap sa anumang mga kahirapan ng pagkahuli at pang-uusig ng malaking pulang dragon, sa loob-loob nila ay nagrereklamo ang ibang tao na ang Diyos ay hindi nagiging patas sa kanila. Ano ang palagay ninyo sa ganitong pag-iisip? Kung sobrang lantaran nilang nasasabi ang kanilang mga reklamo laban sa Diyos kapag ang ginagawa Niya ay nagpapahirap sa kanila, Siya pa rin ba ang Diyos na pinaniniwalaan nila? Kung hindi nila kayang magpasakop, hindi Siya ang Diyos nila kung gayon, at kaya nangangahas silang labanan Siya. Hinihiling nila na may iba pang Diyos maliban sa Diyos, iniisip na, “Kung ginagawa Niya lang totoo ang anumang iniisip at ginagawa ko, nang eksaktong ayon sa aking kagustuhan—saka lang Siya magiging Diyos; iyon lang ang magiging pagsasaayos at pangangasiwa Niya. Kung hindi nakikisama ang Diyos sa aking kagustuhan, palaging kumokontra sa aking mga gusto at imahinasyon, hindi ako makakapagpasakop sa Kanya, at hindi Siya ang Diyos ko. Kung Siya ang Diyos, dapat Niyang bigyang-kasiyahan ang mga tao. Dahil ang mga tao ang pinakapinapahalagahan ng Diyos, dapat gawin ng Diyos ang lahat upang protektahan at ingatan sila. Bakit Niya sila hinahayaang dumaan sa mga paghihirap, pagsubok, at pagkabigo?” Hindi ba’t ito ang saloobin sa Diyos ng karamihan ng tao sa kanilang puso? Ito nga ang nangyayari. Sa karamihan ng mga tao, kapag wala silang mga problema, kapag lahat ay maayos ang takbo sa kanila, nararamdaman nilang makapangyarihan ang Diyos, at matuwid, at kaibig-ibig. Kapag sinusubok sila ng Diyos, pinupungusan sila, itinutuwid sila, at dinidisiplina sila, kapag hinihingi Niya sa kanila na isantabi ang kanilang mga pansariling interes, na maghimagsik laban sa laman at isagawa ang katotohanan, kapag gumagawa ang Diyos sa kanila, at isinasaayos at pinamumunuan ang kanilang mga kapalaran at buhay, lumilitaw ang pagkasuwail nila, at pagkatapos ay nagkakaroon ng paghihiwalay sa pagitan nila at ng Diyos; na lumilikha ng sigalot at malaking distansya sa pagitan nila at ng Diyos. Sa ganoong mga panahon, sa kanilang mga puso, ang Diyos ay hindi kaibig-ibig nang kahit kaunti; Siya ay hindi talaga makapangyarihan, dahil ang ginagawa Niya ay hindi nakatutupad ng kanilang mga hiling. Pinalulungkot sila ng Diyos; inaaburido Niya sila; nagdadala Siya ng sakit at dusa sa kanila; ipinadarama Niya sa kanila ang kawalang-kapanatagan. Kung kaya hindi man lang sila nagpapasakop sa Diyos, sa halip ay naghihimagsik laban sa Kanya at nilalayuan Siya. Sa paggawa nito, isinasagawa ba nila ang katotohanan? Sinusunod ba nila ang daan ng Diyos? Sinusunod ba nila ang Diyos? Hindi. Gaano man karami ang iyong mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa gawain ng Diyos, at paano ka man kumilos dati ayon sa iyong sariling kalooban at naghimagsik laban sa Diyos, kung lubos mong sinisikap na makamit ang katotohanan, at tatanggapin ang paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos, at ang mapungusan ng mga ito; kung, sa lahat ng isinasaayos Niya ay nagagawa mong sundan ang daan ng Diyos, sundin ang Kanyang mga salita, matutunang arukin ang Kanyang mga layunin, magsagawa ayon sa Kanyang mga salita at pagnanais, at nagagawa mong magpasakop sa pamamagitan ng paghahanap, at kung mabibitiwan mo ang lahat ng iyong sariling kagustuhan, pagnanais, pagsasaalang-alang, layunin, at hindi mo kakalabanin ang Diyos, kung gayon ay sumusunod ka sa Diyos. Maaaring sinasabi mong sinusunod mo ang Diyos, ngunit kung lahat ng ginagawa mo ay ayon sa sarili mong kagustuhan, at may sarili kang mga layon at plano, at hindi mo ipinagpapasa-Diyos ang mga ito, ang Diyos pa rin ba ang iyong Diyos? Hindi, hindi Siya. Kung ang Diyos ay hindi mo Diyos, kung gayon, kapag sinasabi mong sumusunod ka sa Diyos, hindi ba ito mga walang lamang salita? Ang mga ganitong salita ba ay hindi pagtatangkang lokohin ang mga tao? Maaaring sinasabi mong sumusunod ka sa Diyos, ngunit kung ang lahat ng iyong mga kilos at gawa, ang iyong pananaw sa buhay, at mga prinsipyo, at asal at mga prinsipyo na ginagamit mo sa pagharap at pagdadala sa mga bagay ay nanggaling lahat kay Satanas—kung pinangangasiwaan mo ang lahat ng ito nang ganap na nakaayon sa mga batas at lohika ni Satanas, isa ka bang tagasunod ng Diyos kung gayon? (Hindi.) Alam mo, nang ipaalam ng Panginoong Jesus sa kanyang mga alagad na Siya ay daranas ng maraming pagpapahirap, na Siya ay papatayin, at mabubuhay muli sa ikatlong araw, sinabi ni Pedro sa Panginoong Jesus, “Panginoon, malayo ito sa Iyo: hindi ito mangyayari sa Iyo” (Mateo 16:22). Paano sinagot ng Panginoong Jesus si Pedro? (“Lumagay ka sa likuran Ko, Satanas” (Mateo 16:23).) Ano ang naging pakahulugan ng Panginoong Jesus sa ginawa ni Pedro sa oras na iyon? (Ang gawa ni Satanas.) Bakit Niya sinabi na ito ay gawa ni Satanas? Si Pedro ba ay si Satanas? Hindi naintindihan ni Pedro ang kahalagahan ng mga ikinilos ng Panginoong Jesus, ni hindi niya nakilala ang Kanyang pagkakakilanlan. Kaya nga, naging tagapagsalita siya ni Satanas, nagsasalita para dito, naghahangad na pigilan ang Panginoong Jesus na sundin ang kalooban ng Diyos. Sa perspektiba ng Diyos, si Pedro ay naging tagapagsalita ni Satanas. Kung ang isang tao ay sa panlabas lang tinalikdan ang lahat at ginampanan ang kanyang tungkulin, tila sinusunod ang Diyos, subalit lahat ng kanyang iniisip at kilos ay ayon sa lohika at pilosopiya ni Satanas, siya ba ay tunay na tagasunod ng Diyos? (Hindi.) Hindi, dahil palagi siyang naghihimagsik laban sa Diyos, hindi niya isinasagawa ang katotohanan, at hindi nagpapasakop Diyos. Bakit siya naniniwala sa Diyos kung gayon? Ano nga ba ang tunay na gusto niyang makamit? Napakahirap maunawaan nito. Siya ba ay tunay na mananampalataya ng Diyos? Hindi; sa mas magandang pananalita, siya ay naniniwala sa relihiyon. Maaaring sinasabi niya na may pananampalataya siya sa Diyos, ngunit hindi siya kinikilala ng Diyos. Ituturing siya ng Diyos na masamang tao, at hindi Niya ililigtas ang gayong tao.
Sa masama at tiwaling sangkatauhang ito, ang mga mananampalataya sa relihiyon ay mga taong kinikilala ang pag-iral ng Diyos, nagnanais na maging mabubuting tao, magkaroon ng mabuting pag-uugali, at makaiwas sa paggawa ng masasamang bagay. Natatakot sila sa kaparusahan kung makikisangkot sila sa labis na masasamang gawain, at na sila ay mapupunta sa impiyerno at mapaparusahan at mapapahamak magpakailanman. Iniisip nila na ang pagiging isang mabuting tao ay nagdudulot ng kapayapaan, gaya ng kasabihan ng mga walang pananampalataya: “Payapa ang buhay ng mabubuti.” Sa impluwensiya ng gayong mga pag-iisip at sa lason ng gayong mga kaisipan na namamayani, itinuturing nilang isang magandang bagay ang kanilang paniniwala sa relihiyon; iniisip nila na mas magaling sila kaysa sa mga hindi nananampalataya, sa mga wala man lang espirituwal na panustos, at lalong walang pagpipigil. Ginagawa ng mga hindi nananampalataya ang anumang naisin nila, at may potensyal silang gumawa ng anumang masamang gawain upang makamit ang kanilang sariling mga layunin. Ang mga ganoong tao ay walang patutunguhan at ang kahihinatnan nila pagkatapos mamatay ay impiyerno. Iniisip din ng mga nananampalataya sa relihiyon na, “Ang mga walang pananampalataya ay hindi naniniwala sa siklo ng buhay at kamatayan o na may pagpaparusa sa paggawa ng masama, na ang mga gagawa niyon ay mapupunta sa impiyerno at mapaparusahan. Hindi sila naniniwala na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Ngunit tayong naniniwala sa relihiyon ay pinagpala ng Diyos at makakamit ang buhay na walang hanggan pagkatapos ng kamatayan.” Itinuturing nila ang kanilang sarili na mararangal na tao, ibinukod mula sa sangkatauhan bilang mga banal na tao. Bagama’t nagkaroon ng ilang pagbabago ang kanilang mga pag-uugali at paraan ng pag-iisip, hindi talaga nila tinatanggap ang katotohanan. Ito ang ibig sabihin ng pananampalataya sa relihiyon. Paano makakapagtransisyon ang isang tao mula sa pananampalataya sa relihiyon patungo sa pananampalataya sa Diyos? Hindi ito isang simpleng bagay. Ang mga bago pa lang sa pananampalataya sa Diyos ay walang nauunawaang katotohanan. Alam lang nila na mabuti ang pananampalataya sa relihiyon, na ang ibig sabihin nito ay pagiging isang mabuting tao. Hindi man lang nila mapag-iba ang pananampalataya sa relihiyon sa pananampalataya sa Diyos. Kaya nga, ang transisyon mula sa pananampalataya sa relihiyon patungo sa pananampalataya sa Diyos ay nangangailangan ng pagdaan sa isang yugto hanggang sa maintindihan ang ilang katotohanan, na nagbibigay daan para magkaroon ng pagkilatis. Kung pagkatapos ng lima o anim na taong pananampalataya sa Diyos, o maging pito o walong taon pa, ikaw ay namumuhay pa rin ayon sa iyong satanikong disposisyon, sinusunod pa rin si Satanas, hindi man lang tinatanggap ang katotohanan, nabibigong isagawa kahit ang katotohanang nauunawaan mo na, tinatanggihan ang gawain ng Diyos, at hindi tinatanggap ang Kanyang pagpupungos at pagwawasto at ang Kanyang paghatol at pagkastigo, gayundin ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos, kung gayon, ang iyong pananampalataya sa Diyos ay nawalan na ng saysay at halaga. Ang pinakasimpleng paraan para mailarawan ang pananampalataya sa Diyos ay ang magtiwalang may Diyos, at, sa pundasyong ito, ang sundan Siya, magpasakop sa Kanya, tanggapin ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan, mga pangangasiwa, at pagsasaayos, pagsunod sa Kanyang mga salita, pamumuhay ayon sa Kanyang mga salita, paggawa ng lahat ayon sa Kanyang mga salita, pagiging isang totoong nilikha, at natatakot sa Kanya at nilalayuan ang kasamaan; ito lamang ang totoong pananampalataya sa Diyos. Ito ang ibig sabihin ng pagsunod sa Diyos. Kung sinasabi mong sinusunod mo ang Diyos, ngunit, sa iyong puso, hindi mo tinatanggap ang mga salita ng Diyos, at pinagdududahan mo pa rin ang mga ito, at hindi mo tinatanggap ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan, mga pangangasiwa, at pagsasaayos, at palagi kang may mga kuru-kuro at maling pagkaunawa tungkol sa mga ginagawa Niya, at nagrereklamo ka tungkol dito, palaging hindi nakokontento; at kung palagi mong sinusukat at inuunawa ang ginagawa Niya gamit ang sarili mong mga kuru-kuro at mga kuru-kuro; at kung palagi kang may mga sariling iniisip at pagkakaunawa—magdudulot ito ng problema. Hindi iyan pagdanas sa gawain ng Diyos, at hindi iyan ang paraan para tunay Siyang masunod. Hindi ito ang pananampalataya sa Diyos.
Ano ba mismo ang pananampalataya sa Diyos? Ang paniniwala ba sa relihiyon ay katumbas ng pananampalataya sa Diyos? Ang paniniwala sa relihiyon ay pagsunod kay Satanas; ang pananampalataya sa Diyos ay pagsunod sa Diyos—at ang mga sumusunod lamang kay Cristo ang tunay na nananampalataya sa Diyos. Ang isang taong hindi tinatanggap ang mga salita ng Diyos ni kaunti bilang kanyang buhay ay hindi isang tunay na mananampalataya sa Diyos. Siya ay hindi mananampalataya, at ilang taon man siyang manampalataya sa Diyos, wala itong saysay. Kung ang isang mananampalataya sa Diyos ay nakikibahagi lamang sa mga panrelihiyong ritwal, ngunit hindi isinasagawa ang katotohanan, hindi siya isang mananampalataya sa Diyos, at hindi siya kinikilala ng Diyos. Ano ang kailangan mong taglayin upang kilalanin ka ng Diyos bilang Kanyang tagasunod? Alam mo ba ang mga pamantayan ng Diyos sa pagsukat sa isang tao? Sinusuri ng Diyos kung ginagawa mo ba ang lahat ayon sa Kanyang mga hinihingi, at kung nagsasagawa ka ba at nagpapasakop sa katotohanan batay sa Kanyang mga salita. Ito ang pamantayan ng Diyos sa pagsukat sa isang tao. Ang pagsukat ng Diyos ay hindi nakabatay sa kung ilang taon ka nang nananampalataya sa Kanya, gaano kalayo na ang iyong nilakbay, gaano karaming mabubuting ugali ang mayroon ka, o ilang salita at doktrina ang nauunawaan mo. Sinusukat ka Niya batay sa kung hinahangad mo ba ang katotohanan at ano ang landas na pinipili mo. Maraming tao ang nananampalataya sa Diyos sa salita at pinupuri Siya, ngunit sa kanilang puso, hindi nila minamahal ang mga salitang ipinapahayag Niya. Hindi sila interesado sa katotohanan. Palagi silang naniniwala na ang pamumuhay ayon sa mga pilosopiya ni Satanas o iba’t ibang makamundong teorya ang siyang ginagawa ng mga normal na tao, na ganito mapapangalagaan ng isang tao ang kanyang sarili, at na ganito mamuhay nang may halaga sa mundo. Sila ba ang mga taong nananampalataya sa Diyos at sumusunod sa Kanya? Hindi. Ang mga salita ng mga dakila at tanyag na tao ay punong-puno ng karunugan kung pakikinggan at madaling makapanlilihis ng iba. Maaaring panghawakan mo ang kanilang mga salita bilang mga katotohanan o mga kasabihang dapat sundin. Ngunit kung pagdating sa mga salita ng Diyos, sa ordinaryong hinihingi Niya sa mga tao, katulad ng pagiging isang matapat na tao, o sa masunurin at masikap na pagtupad sa kanilang gawain, pagganap ng kanilang tungkulin bilang nilikha at pagkakaroon ng matatag at matapat na asal, hindi mo isinasagawa ang mga salitang ito at hindi itinuturing ang mga ito bilang mga katotohanan, kung gayon ay hindi ka isang tagasunod ng Diyos. Sinasabi mong isinasagawa mo ang katotohanan, ngunit kung tatanungin ka ng Diyos, “Ang ‘mga katotohanan’ bang isinasagawa mo ay mga salita ng Diyos? Ang mga prinsipyo bang itinataguyod mo ay batay sa mga salita ng Diyos?”—paano mo ipapaliwanag ang iyong sarili? Kung ang batayan mo ay hindi ang mga salita ng Diyos, kung gayon ay mga salita ito ni Satanas. Ipinamumuhay mo ang mga salita ni Satanas ngunit sinasabi mong isinasagawa mo ang katotohanan at binibigyang kasiyahan ang Diyos. Hindi ba’t paglalapastangan iyon sa Diyos? Halimbawa, tinuturuan ng Diyos ang mga tao na maging matapat, ngunit ang ilan ay hindi pinag-iisipan kung ano talaga ang ibig sabihin ng pagiging isang matapat na tao, paano isinasagawa ang pagiging isang matapat na tao, kung anong mga bagay na ipinamumuhay at inihahayag nila ang hindi matapat, at anong mga bagay na ipinamumuhay at inihahayag nila ang matapat. Sa halip na pag-isipan ang diwa ng katotohanan sa mga salita ng Diyos, bumabaling sila sa mga aklat ng mga walang pananampalataya. Iniisip nila, “Ang mga kasabihan ng mga walang pananampalataya ay magaganda rin—tinuturuan din ng mga ito ang mga taong maging mabuti! Halimbawa, ‘Payapa ang buhay ng mabubuti,’ ‘Ang mga tapat na tao ay laging mamamayani,’ ‘Hindi kahangalan na magpatawad ng iba, nagdudulot ito ng mga kapakinabangan kalaunan.’ Ang mga pahayag na ito ay tama rin, at naaayon sa katotohanan!” Kaya, sumusunod sila sa mga salitang ito. Magiging anong klaseng tao sila sa pagsunod sa mga kasabihang ito ng mga walang pananampalataya? Maisasabuhay ba nila ang katotohanang realidad? (Hindi.) Hindi ba’t maraming tao ang ganito? Nakapagtamo na sila ng ilang kaalaman; nakapagbasa na sila ng kaunting aklat at kaunting tanyag na mga obra; nakapagkamit na sila ng ilang perspektiba, at nakarinig na ng kaunting tanyag na kasabihan at lokal na mga salawikain, pagkatapos ay tinatanggap ang mga ito bilang ang katotohanan, kumikilos at gumaganap ng kanilang tungkulin ayon sa mga salitang ito, ginagamit ang mga ito sa kanilang buhay bilang mga mananampalataya sa Diyos at iniisip na tinutugunan nila ang kalooban ng Diyos. Hindi ba’t ito ay pagpapalit ng kasinungalingan sa katotohanan? Hindi ba ito paggamit ng panlilinlang? Sa Diyos, ito ay kalapastanganan! Ang mga bagay na ito ay namamalas sa maraming tao. Para sa isang tao na itinuturing ang mga kasiya-siyang salita at tamang doktrina mula sa mga tao bilang mga katotohanang dapat na itaguyod, habang isinasantabi ang mga salita ng Diyos at pinagsasawalang-bahala ang mga ito, nabibigong isaisip ang mga ito kahit na ilang beses na itong nabasa, o ang isaalang-alang ang mga salita ng Diyos bilang ang katotohanan, sila ba ay mga mananampalataya sa Diyos? Tagasunod ba sila ng Diyos? (Hindi.) Ang mga ganoong tao ay nananampalataya sa relihiyon; sinusunod pa rin nila si Satanas! Naniniwala sila na ang mga salitang sinasabi ni Satanas ay pilosopiko, na ang mga ito ay lubhang malalim at klasiko. Itinuturing nila ang mga ito bilang mga sikat na kasabihan na may pinakamataas na antas ng katotohanan. Kahit ano pang ibang bagay ang isuko nila, hindi nila kayang bitiwan ang mga salitang iyon. Ang pagtalikod sa mga salitang iyon ay parang ang pagkawala ng pundasyon ng kanilang buhay, tila pag-uka sa kanilang puso. Anong klase ng tao ang mga ito? Tagasunod sila ni Satanas, at kaya nga tinatanggap nila ang mga sikat na kasabihan ni Satanas bilang ang katotohanan. Masusuri at makikilala ba ninyo ang iba’t ibang kalagayan na nararanasan ninyo sa iba’t ibang konteksto? Bilang halimbawa, ang ilang tao ay nananampalataya sa Diyos at madalas na binabasa ang Kanyang mga salita, ngunit kapag may mga nangyayari sa kanila, palagi nilang sinasabi, “Sabi ng nanay ko,” “Sabi ng lolo ko,” “Minsang sinabi ni ganitong sikat na tao,” o “Sabi sa ganitong aklat.” Hindi nila kailanman sinasabi, “Sinasabi ito ng salita ng Diyos,” “Ganoon ang mga hinihingi sa atin ng mga salita ng Diyos,” “Sinasabi ito ng Diyos.” Hindi nila kailanman sinasabi ang mga salitang ito. Sinusunod ba nila ang Diyos? (Hindi.) Madali ba para sa mga tao na matuklasan ang mga kalagayang ito? Hindi, ngunit ang pag-iral ng mga ito sa mga tao ay malaking kapinsalaan sa kanila. Maaaring naniniwala ka na sa Diyos sa loob ng tatlo, lima, walo, o sampung taon, subalit hindi mo pa rin alam kung paano magpasakop sa Diyos o isagawa ang mga salita ng Diyos. Anuman ang mangyari sa iyo, ginagawa mo pa ring batayan ang mga satanikong salita, naghahanap ka pa rin ng batayan sa tradisyonal na kultura. Iyan ba ay pananampalataya sa Diyos? Hindi mo ba sinusunod si Satanas? Namumuhay ka ayon sa mga satanikong salita at namumuhay ayon sa mga satanikong disposisyon, kaya hindi mo ba nilalabanan ang Diyos? Dahil hindi ka nagsasagawa o namumuhay ayon sa salita ng Diyos, hindi sumusunod sa mga yapak ng Diyos, hindi nakikinig sa anumang sinasabi ng Diyos, at hindi nakapagpapasakop sa anumang pamamatnugot o hinihingi ng Diyos, hindi mo sinusunod ang Diyos. Sumusunod ka pa rin kay Satanas. Nasaan si Satanas? Si Satanas ay nasa puso ng mga tao. Ang mga pilosopiya, lohika at patakaran, at iba’t ibang mala-diyablong salita ni Satanas ay matagal nang nag-ugat sa puso ng mga tao. Ito ang pinakaseryosong problema. Kung hindi mo malulutas ang problemang ito sa pananampalataya mo sa Diyos, hindi ka maliligtas ng Diyos. Samakatuwid, dapat palagi ninyong ihambing sa mga salita ng Diyos ang lahat ng ginagawa ninyo, ang inyong mga iniisip at pananaw, at ang inyong batayan sa paggawa ng mga bagay-bagay, at himayin ang mga bagay-bagay sa inyong isipan. Kailangan ninyong malaman kung alin sa mga bagay na nasa inyong kalooban ang mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, sikat na kasabihan, tradisyonal na kultura, pati na rin kung alin ang nagmula sa kaalamang intelektuwal. Kailangan ninyong malaman kung alin sa mga ito ang palagi ninyong pinaniniwalaang tama at alinsunod sa katotohanan, alin ang sinusunod niyo na para bang iyon ang katotohanan, at alin ang pinapayagan niyong pumalit sa katotohanan. Kailangan ninyong suriin ang mga bagay na ito. Sa partikular, kung tinatrato mo ang mga bagay na sa tingin mo ay tama at mahalaga bilang ang katotohanan, hindi madaling maunawaan nang lubusan ang mga ito. Ngunit kung lubos mo mang mauunawaan ang mga ito, nalagpasan mo na ang isang malaking balakid. Ang mga bagay na ito ay mga balakid sa mga tao na maunawaan ang mga salita ng Diyos, isagawa ang katotohanan, at magpasakop sa Diyos. Kung gugugulin mo ang maghapon nang naguguluhan at hindi alam ang gagawin, at hindi isinasaalang-alang ang mga bagay na ito o tumutuon sa paglutas sa mga problemang ito, kung gayon ay ang mga ito ang ugat ng iyong karamdaman, ang lason sa iyong puso. Kung hindi maaalis ang mga ito, mawawalan ka ng kakayahang tunay na sundin ang Diyos, at hindi mo maisasagawa ang katotohanan o makapagpapasakop sa Diyos, at wala kang magagawa upang matamo ang kaligtasan.
Ngayong nakapagbahaginan na tayo tungkol sa mga bagay na ito, naisip na ba ninyo ang mga kalagayan, ideya, o may kinikilingang mga pananaw na nasa inyong kalooban na sumasalungat sa mga pagnanais ng Diyos, mga hinihingi ng Diyos, at sa katotohanan, subalit itinuring ninyo bilang ang katotohanan at isinagawa at itinaguyod bilang gayon nga? (Nagkaroon ako ng pananaw na bilang isang tao, dapat magsikap ang isang tao na maging mabuti, isang taong gusto at nais na makaugnayan ng lahat. Noong hindi ko naintindihan ang katotohanan, inakala ko na ang hangaring ito ay makatwiran at tama. Ngunit ngayon, kung susukatin ito sa katotohanan, napagtanto ko na ang ganoong tao ay mapagpalugod ng mga tao. Lalo na pagkatapos kong mabasa ang mga paglalantad ng Diyos tungkol sa mga mapanlinlang na tao, naunawaan ko na mayroon akong mga mapanlinlang na layunin sa paggawa nito, lahat ay sinusubukan ko upang mapanatili ang aking sariling reputasyon at katayuan sa pamamagitan ng pagsisilbi sa iba, binibigyan sila ng mga maling impresyon at nililihis sila. Kung minsan, isinasakripisyo ko pa ang mga interes ng sambahayan ng Diyos upang mapalugod ang ibang tao. Hindi talaga ako isang mabuting tao, ni hindi ko taglay ang wangis ng isang taos na tao. Nang matuklasan ko ang mga bagay na ito, ninais kong hanapin ang katotohanan, na maging isang matapat na tao ayon sa mga hinihingi ng Diyos, sa halip na maging mapagpalugod ng mga tao. Ninais kong maging isang taong nagsasalita nang totoo at tapat, na tapat sa lahat ng bagay, dahil ito ay alinsunod sa mga layunin ng Diyos.) (Napansin ko sa panahong ito na tumutok ako sa mga pagbabago sa panlabas na pag-uugali. Halimbawa, noong sinabihan ako ng ilang kapatid na ako ay mayabang at hindi madaling pakisamahan, sinubukan kong tanggapin iyon at talakayin ang mga bagay kasama nila sa banayad at magiliw na paraan. Ginawa ko ang anumang sabihin nila sa akin, at kung makita ko ang sinuman na magkamali habang ginagampanan ang kanilang tungkulin, hindi ko iyon tutukuyin, sa halip, pinapanatili ko ang kapayapaan at pagkakaisa. Habang nakikinig sa pakikipagbahaginan ng Diyos ngayon lang, nakita ko na hindi ako kumikilos ayon sa mga salita ng Diyos. Kumikilos ako sa pamamagitan ng mga pilosopiya sa pamumuhay ni Satanas para sa mga makamundong pakikitungo. Ginagamit ko ang aking mabubuting panlabas na pag-uugali upang ilihis ang iba, samantalang ang totoo, ang aking tiwaling disposisyon ay hindi pa naiwawaksi. Hindi ako isang tao na naghahangad ng katotohanan, at sinayang ko ang maraming panahon.) May pagkaunawa at kamalayan na kayo ngayon sa ilang maling pananaw at pagsasagawa noon, ngunit nakakapagod para sa inyo kapag isinasagawa ninyo ang katotohanan. Dahil nakikilala at nauunawaan na ninyo ang mga kalagayang ito, ano ang inyong mga kaisipan at damdamin tungkol sa suliranin ng tiwaling sangkatauhan? Naramdaman ba ninyo na ang tiwaling sangkatauhang ito ay matatag at mahigpit na kontrolado ni Satanas? Nalalaman na ba ninyo ito? (Oo.) Kailan ninyo nalaman ito? (Noong gusto kong isagawa ang katotohanan, kinontrol at ikinulong ako sa loob ng kalikasan ni Satanas. Nagtalo ang kalooban ko ngunit hindi ko naisagawa ang katotohanan, na para bang ako ay nakakadena. Napakahirap niyon.) Naramdaman mo ba noong oras na iyon na masyadong kamuhi-muhi si Satanas? O namanhid ka na ba sa katagalan at hindi mo na magawang mapoot? (Naramdaman ko na si Satanas ay kamuhi-muhi.) Napagtanto mo na ba ang matinding pangangailangan sa gawain ng pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan? Nauunawaan mo ba na ang mga salita at katotohanang ipinapahayag ng Diyos, kasama ang mga naglalantad sa sangkatauhan, ay realidad lahat, wala kahit isang parirala ang hindi tunay, at na lahat ay ganap na tumutugma sa mga katunayan at ang mga salitang lubos na kinakailangan ng sangkatauhan upang matanggap ang katotohanan at maligtas? Kailangang-kailangan ng sangkatauhan ang pagliligtas ng Diyos! Kung hindi pumarito ang Diyos sa katawang-tao upang gawin ang Kanyang gawain, kung hindi nagpahayag ng napakaraming katotohanan ang Diyos, saan makikita ng sangkatauhan ang landas patungo sa kaligtasan? Lahat ng pagtitiwala kay Satanas at sa masasamang espiritu para sa mga tanda at kababalaghan ay hahantong sa pagkasira. Ang lahat ng taong namumuhay sa mga pilosopiya, lohika, at batas ni Satanas ay pinupuntirya para sa pagkawasak. Nalalaman na ba ninyo ito? Hindi sapat na basta lang ninyong nalalaman ito. Iyan ay simpleng puso lamang na nananabik sa pagliligtas ng Diyos. Ngunit kung matatanggap ba ninyo ang katotohanan, at matatanggap ang paghatol at pagkastigo, at maiwawaksi ang inyong tiwaling disposisyon—ito ang mahahalagang tanong. Ang mga nananampalataya sa Diyos ay dapat na umibig sa katotohanan at mga positibong bagay, at dapat din nilang kamuhian ang kasamaan at anumang bagay na galing kay Satanas. Dapat silang tumuon sa pagninilay-nilay at pag-unawa sa sarili, at sa pagkilatis ng mga pagbubunyag ng kanilang sariling tiwaling disposisyon. Dapat nilang malinaw na makita na ang kanilang kalikasang diwa ay nakapanghihilakbot at buktot, salungat sa Diyos at kinasusuklaman ng Diyos, at magawa nilang makaramdam ng pagkagalit sa kanilang sarili at pagkasuklam sa kanilang sarili mula sa kanilang puso. Saka lamang sila magkakaroon ng determinasyon at lakas na makalaya sa at maiwaksi ang pagkagapos at paghadlang ng kalikasan ni Satanas, at maisagawa ang katotohanan at magpasakop sa Diyos. Kung wala ang determinasyong ito, mahihirapan kang isagawa ang katotohanan, kahit na hinihinging gawin mo iyon. Dapat na lubhang magpakahirap ang mga tao sa gitna ng mga kalagayang tulad ng pagkagapos, manipulasyon, labis na pagpapahirap, pananalasa, at pang-aabuso ng kanilang tiwaling disposisyon. Kapag naramdaman na ng isang tao ang kirot nito, saka lamang niya kapopootan si Satanas at magkakaroon siya ng kapasyahan at determinasyong baguhin ang lahat ng ito. Kapag nakapagtiis na siya ng sapat na paghihirap ay saka lamang niya mapalalakas ang kanyang determinasyon at magkakaroon siya ng motibasyon na hangarin ang katotohanan at makawala sa lahat ng ito. Kung nararamdaman mo na ang mga bagay na kay Satanas ay lubhang magaganda, na mabibigyang-kasiyahan ng mga ito ang laman at maisasakatuparan ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, ang kanilang maluluhong pagnanasa, at iba’t ibang kagustuhan, nang hindi nakakaramdam ng anumang kirot o nadarama kung paano brutal na inaatake ni Satanas ang mga tao, handa ka bang kumawala mula sa lahat ng ito? (Hindi.) Sabihin nang alam ng isang taong mapanlinlang na siya ay mapanlinlang, na mahilig silang magsinungaling at ayaw nilang sabihin ang katotohanan, at na palagi siyang may ikinukubli kapag nakikipag-ugnayan sa mga tao, ngunit ikinatutuwa niya ito, na iniisip sa kanyang sarili, “Masarap mabuhay nang ganito. Palagi kong nalilinlang ang iba, ngunit hindi nila magagawa iyon sa akin. Halos palagi akong nasisiyahan pagdating sa sarili kong mga interes, kapalaluan, katayuan, at pagkabanidoso. Umaayon ang mga bagay-bagay sa mga plano ko, nang walang hirap, tuluy-tuloy, at walang sinumang nakakahalata.” Handa ba ang ganoong uri ng tao na maging matapat? Hindi. Naniniwala ang taong ito na ang panlilinlang at kabuktutan ay katalinuhan at karunungan, na mga positibong bagay ang mga ito. Pinahahalagahan nila ang mga bagay na ito at hindi sila makatagal nang wala ang mga ito. “Ito ang perpektong paraan ng pagkilos, at ang tanging kapaki-pakinabang na paraan para mabuhay,” iniisip nila. “Ito lamang ang pamumuhay na may halaga, ang tanging pamumuhay para kainggitan at tingalain ako ng iba. Kahangalan at kamangmangan ang hindi ako mamuhay ayon sa mga satanikong pilosopiya. Palagi akong may mapapalagpas na mga pagkakataon—maaapi, mamaliitin, at matatratong isang utusan. Walang halaga ang gayong klaseng pamumuhay. Hinding-hindi ako magiging matapat na tao!” Tatalikuran ba ng ganitong klaseng tao ang kanyang mapanlinlang na disposisyon at magsasagawa na maging matapat? Siguradong hindi. Gaano katagal man silang naniniwala sa Diyos, ilang sermon man ang kanilang narinig, at ilang katotohanan ang naunawaan nila, hinding-hindi tunay na susundin ng gayong mga tao ang Diyos. Hinding-hindi nila masayang susundin ang Diyos, sapagkat iniisip nila na upang magawa iyon, napakarami nilang kakailanganing isuko, talikdan, at kailangan nilang magdusa ng pasakit at mga kawalan. Ito ang hindi talaga nila matanggap. Iniisip nila, “Ang pananalig sa Diyos ay pananalig sa relihiyon. Ang matawag lamang na isang mananalig, may ilang mabuting ugali, at pagkakaroon ng isang bagay na nagbibigay sa kanila ng espirituwal na panustos, iyon lamang. Hindi na kailangang magbayad ng halaga, magdusa, o talikuran ang ano pa man. Hangga’t sa kanyang puso ay nananalig ang isang tao at sinasabing kinikilala niya ang Diyos, ang ganoong klase ng pananampalataya sa Diyos ang magtutulot sa kanya na makaligtas at makapasok sa kaharian ng langit! Napakadakila ng ganoong pananampalataya!” Matatamo ba sa huli ng mga ganoong tao ang katotohanan? (Hindi.) Ano ang dahilan na hindi nila matatamo ang katotohanan? Wala silang pagmamahal para sa mga positibong bagay, hindi nila pinananabikan ang liwanag, at hindi nila minamahal ang daan ng Diyos o ang katotohanan. Gusto nilang sinusunod ang mga makamundong kalakaran, nahuhumaling sila sa katanyagan, pakinabang, at katayuan, gustong-gusto nilang namumukod-tangi sila sa mga tao, sinasamba nila ang katanyagan, pakinabang, at katayuan, dinadakila nila ang mga mahusay at sikat, pero ang totoo, mga demonyo at Satanas ang dinadakila nila. Sa kanilang puso, hindi ang katotohanan ang hinahangad nila, o ang mga positibong bagay; sa halip, mataas ang pagpapahalaga nila sa kaalaman. Sa puso nila, hindi sila sang-ayon sa mga taong naghahangad ng katotohanan at nagpapatotoo sa Diyos; sa halip, sinasang-ayunan at hinahangaan nila ang mga taong may espesyal na mga talento at kaloob. Sa kanilang pananampalataya sa Diyos, hindi nila tinatahak ang landas ng paghahangad sa katotohanan, sa halip, ang tinatahak nila ay ang landas ng paghahangad sa katanyagan, pakinabang, katayuan, at kapangyarihan; sinisikap nilang maging isang taong labis na tuso, na nagtatagumpay gamit ang mahuhusay na plano, sinisikap nilang pasukin ang mas mataas na antas ng lipunan para maging isang dakila at kilalang tao. Nais nilang mabati nang may paghanga at pagtanggap sa lahat ng okasyon na kanilang pupuntahan; nais nilang maging idolo ng mga tao. Iyan ang klase ng taong nais nilang kahinatnan. Anong uri ng paraan ito? Ito ang gawi ng mga demonyo, ang landas ng masama. Hindi ito ang daang tinatahak ng isang mananampalataya sa Diyos. Ginagamit nila ang mga pilosopiya ni Satanas, ang lohika nito, ginagamit nila ang bawat pakana nito, bawat panlalansi, sa bawat sitwasyon, upang makuha ang tiwala ng mga tao, at himukin ang mga tao na sambahin at sundin sila. Hindi ito ang landas na dapat tahakin ng mga taong nananalig sa Diyos; hindi lamang sa hindi maliligtas ang gayong mga tao, haharapin din nila ang pagpaparusa ng Diyos—wala itong kaduda-duda. Ano ang batayan sa kung ang isang tao ay maliligtas o hindi? Ito ay batay sa kung matatanggap niya ang katotohanan, makapagpapasakop sa gawain ng Diyos, at matatahak ang landas ng paghahangad sa katotohanan. Ito ay pinagpapasyahan batay sa mga salik na ito. Ano ang landas kung saan matatamo ang kaligtasan ng Diyos sa pananampalataya? Dapat niyang sundin ang Diyos, pakinggan ang Kanyang mga salita, magpasakop sa Kanyang mga pangangasiwa at pagsasaayos, at mamuhay ayon sa Kanyang mga hinihingi at sa katotohanan. Ito ang tanging landas para matamo ang kaligtasan.
Enero 4, 2018