Pagsunod sa mga Kautusan at Pagsasagawa ng Katotohanan
Sa pagsasagawa, ang pagsunod sa mga kautusan ay dapat iugnay sa pagsasagawa ng katotohanan. Habang sumusunod sa mga kautusan, kailangang isagawa ng tao ang katotohanan. Kapag nagsasagawa ng katotohanan, hindi dapat labagin ng tao ang mga prinsipyo ng mga kautusan, ni salungatin ang mga kautusan; kailangan mong gawin ang anumang ipinagagawa sa iyo ng Diyos. Ang pagsunod sa mga kautusan at pagsasagawa ng katotohanan ay magkaugnay, hindi magkasalungat. Kapag lalo mong isinasagawa ang katotohanan, lalo kang nagkakaroon ng kakayahang sundin ang diwa ng mga kautusan. Kapag lalo mong isinasagawa ang katotohanan, lalo mong mauunawaan ang salita ng Diyos ayon sa ipinahayag sa mga kautusan. Ang pagsasagawa ng katotohanan at pagsunod sa mga kautusan ay hindi magkasalungat na mga kilos—magkaugnay ang mga ito. Sa simula, matapos sundin ng tao ang mga kautusan, saka lamang niya maaaring isagawa ang katotohanan at makamit ang kaliwanagan mula sa Banal na Espiritu, ngunit hindi ito ang orihinal na layon ng Diyos. Hinihiling ng Diyos na ituon mo ang puso mo sa pagsamba sa Kanya, hindi lamang pagkilos nang maayos. Gayunman, kailangan mong sundin ang mga kautusan kahit paimbabaw lamang. Unti-unti, sa pamamagitan ng karanasan, matapos magtamo ng mas malinaw na pagkaunawa sa Diyos, titigil ang mga tao sa pagsuway at paglaban sa Kanya, at hindi na magkakaroon ng anumang mga pagdududa tungkol sa Kanyang gawain. Ito lamang ang paraan para makasunod ang mga tao sa diwa ng mga kautusan. Samakatuwid, ang pagsunod lamang sa mga kautusan, nang hindi isinasagawa ang katotohanan, ay hindi epektibo, at hindi bumubuo ng tunay na pagsamba sa Diyos, sapagkat hindi ka pa nagtatamo ng tunay na tayog. Ang pagsunod sa mga kautusan nang wala ang katotohanan ay katumbas lamang ng pagsunod nang mahigpit sa mga panuntunan. Sa paggawa nito, ang mga kautusan ay magiging batas mo, na hindi makakatulong sa iyo na lumago sa buhay. Bagkus, magiging pasanin mo ang mga ito, at igagapos ka nang mahigpit gaya ng mga kautusan ng Lumang Tipan, na magiging dahilan upang mawala sa iyo ang presensya ng Banal na Espiritu. Samakatuwid, sa pagsasagawa lamang ng katotohanan mo epektibong masusunod ang mga kautusan, at sinusunod mo ang mga kautusan upang isagawa ang katotohanan. Sa proseso ng pagsunod sa mga kautusan, isasagawa mo ang mas maraming katotohanan, at sa pagsasagawa ng katotohanan, magtatamo ka ng mas malalim na pag-unawa sa tunay na kahulugan ng mga kautusan. Ang layunin at kahulugan sa likod ng kahilingan ng Diyos na sundin ng tao ang mga kautusan ay hindi lamang para pasunurin siya sa mga panuntunan, na maaari niyang isipin; sa halip, may kinalaman iyon sa kanyang buhay pagpasok. Ang lawak ng iyong paglago sa buhay ang nagdidikta sa antas ng kakayahan mong sundin ang mga kautusan. Bagama’t ang mga kautusan ay para sundin ng tao, ang diwa ng mga kautusan ay nagiging malinaw lamang sa pamamagitan ng karanasan sa buhay ng tao. Ipinapalagay ng karamihan sa mga tao na ang maayos na pagsunod sa mga kautusan ay nangangahulugan na sila ay “handang-handa, at ang kailangan na lamang gawin ay sumunod.” Kalabisan ang ideyang ito, at hindi naaayon sa kalooban ng Diyos. Yaong mga nagsasabi ng gayong mga bagay ay ayaw sumulong, at nag-iimbot sila sa laman. Walang katuturan iyan! Hindi iyan nakaayon sa realidad! Hindi kalooban ng Diyos na isagawa lamang ang katotohanan nang hindi talaga sinusunod ang mga kautusan. Yaong mga gumagawa nito ay mga pilay; tulad sila ng mga taong nawawala ang isang paa. Ang pagsunod lamang sa mga kautusan na parang sumusunod sa mga panuntunan, subalit hindi nagtataglay ng katotohanan—wala rin itong kakayahang palugurin ang kalooban ng Diyos; gaya ng mga taong bulag ang isang mata, ang mga taong gumagawa rin nito ay nagdurusa mula sa isang uri ng kapansanan. Masasabi na kung susundin mo ang mga kautusan nang maayos at magkakamit ka ng malinaw na pagkaunawa sa praktikal na Diyos, tataglayin mo ang katotohanan; kumpara sa iba, magtatamo ka na ng tunay na tayog. Kung isinasagawa mo ang katotohanan na dapat mong isagawa, susundin mo rin ang mga kautusan, at ang dalawang bagay na ito ay hindi magkasalungat. Ang pagsasagawa ng katotohanan at pagsunod sa mga kautusan ay dalawang sistema, na kapwa mahahalagang bahagi ng karanasan sa buhay ng isang tao. Ang karanasan ng isang tao ay dapat buuin ng pagkakaisa, hindi ng pagkakahati, ng pagsunod sa mga kautusan at pagsasagawa ng katotohanan. Gayunman, kapwa may mga pagkakaiba at pagkakaugnay sa pagitan ng dalawang ito.
Ang pagpapahayag ng mga kautusan ng bagong kapanahunan ay isang patotoo sa katunayan na lahat ng tao sa daloy na ito, lahat ng nakaririnig sa tinig ng Diyos ngayon, ay nakapasok na sa isang bagong kapanahunan. Ito ay isang bagong simula para sa gawain ng Diyos, at isang simula rin ng huling bahagi ng gawain sa plano ng pamamahala ng Diyos sa loob ng anim na libong taon. Ang mga kautusan ng bagong kapanahunan ay simbolo na ang Diyos at ang tao ay nakapasok na sa saklaw ng isang bagong langit at isang bagong lupa, at na ang Diyos, tulad noong gumawa si Jehova sa mga Israelita at gumawa si Jesus sa mga Hudyo, ay gagawa ng mas maraming praktikal na gawain, at gagawa ng mas marami at mas dakila pang gawain sa lupa. Ang mga ito ay simbolo rin na ang grupong ito ng mga tao ay tatanggap ng mas marami at mas dakilang mga tagubilin mula sa Diyos, at paglalaanan, pakakainin, susuportahan, pangangalagaan, at poprotektahan Niya sa praktikal na paraan, bibigyan Niya ng mas marami pang praktikal na pagsasanay, at pakikitunguhan, dudurugin, at pipinuhin ng salita ng Diyos. Ang kabuluhan ng mga kautusan ng bagong kapanahunan ay medyo malalim. Iminumungkahi ng mga ito na ang Diyos ay talagang magpapakita sa lupa, kung saan lulupigin Niya ang buong sansinukob, na magbubunyag ng Kanyang buong kaluwalhatian sa katawang-tao. Iminumungkahi rin ng mga ito na ang praktikal na Diyos ay gagawa ng mas maraming praktikal na gawain sa lupa upang gawing perpekto ang lahat ng Kanyang hinirang. Bukod pa riyan, isasakatuparan ng Diyos ang lahat sa lupa gamit ang mga salita, at ipapahayag ang utos na “ang Diyos na nagkatawang-tao ay tataas sa pinakamataas at palalakihin, at lahat ng tao at lahat ng bansa ay luluhod upang sambahin ang Diyos, na dakila.” Bagama’t ang mga kautusan ng bagong kapanahunan ay para sundin ng tao, at bagama’t tungkulin at obligasyon ng tao na gawin iyon, ang kahulugang kinakatawan ng mga ito ay napakalalim para lubos na maipahayag sa isa o dalawang salita. Ang mga kautusan ng bagong kapanahunan ay pinapalitan ang mga kautusan sa Lumang Tipan at ang mga ordenansa sa Bagong Tipan ayon sa ipinahayag nina Jehova at Jesus. Ito ay isang mas malalim na aral, hindi isang bagay na kasing-simple ng maaaring isipin ng tao. May isang aspeto ng praktikal na kabuluhan sa mga kautusan ng bagong kapanahunan: Ang mga ito ay nagsisilbing pang-ugnay sa pagitan ng Kapanahunan ng Biyaya at ng Kapanahunan ng Kaharian. Winakasan ng mga kautusan ng bagong kapanahunan ang lahat ng kagawian at ordenansa sa lumang kapanahunan, pati na rin ang lahat ng kagawian mula sa kapanahunan ni Jesus at mga kagawian bago sumapit iyon. Dinadala ng mga ito ang tao sa presensya ng mas praktikal na Diyos, na nagtutulot na simulan siyang personal na gawing perpekto ng Diyos; ang mga ito ang simula ng landas tungo sa pagiging perpekto. Sa gayon, dapat kayong magtaglay ng tamang saloobin hinggil sa mga kautusan ng bagong kapanahunan, at huwag sundin ang mga ito nang basta-basta ni hamakin ang mga ito. Binibigyang-diin ng mga kautusan ng bagong kapanahunan ang isang punto: Na sasambahin ng tao ang praktikal na Diyos Mismo ngayon, na kinabibilangan ng mas praktikal na pagpapasakop sa diwa ng Espiritu. Binibigyang-diin din ng mga kautusan ang mga prinsipyong gagamitin ng Diyos sa paghatol sa tao kung maysala ba ito o matuwid matapos Siyang magpakita bilang Araw ng katuwiran. Ang mga kautusan ay mas madaling maunawaan kaysa isagawa. Mula rito, makikita na kung nais ng Diyos na gawing perpekto ang tao, kailangan Niyang gawin iyon sa pamamagitan ng Kanyang sariling mga salita at patnubay, at hindi magiging perpekto ang tao sa pamamagitan lamang ng sarili niyang likas na talino. Masusunod man ng tao ang mga kautusan ng bagong kapanahunan o hindi ay may kinalaman sa kaalaman ng tao tungkol sa praktikal na Diyos. Dahil dito, masusunod mo man ang mga kautusan o hindi ay hindi isang tanong na malulutas sa loob lamang ng ilang araw. Ito ay isang napakalalim na aral na matututuhan.
Ang pagsasagawa ng katotohanan ay isang landas kung saan maaaring lumago ang buhay ng tao. Kung hindi ninyo isinasagawa ang katotohanan, walang matitira sa inyo kundi teorya lamang at hindi kayo magkakaroon ng totoong buhay. Katotohanan ang simbolo ng tayog ng tao, at isinasagawa mo man ang katotohanan o hindi ay nauugnay sa kung mayroon kang tunay na tayog o wala. Kung hindi mo isinasagawa ang katotohanan, hindi ka kumikilos nang matuwid, o nagpapadala ka sa emosyon at nagmamalasakit ka sa iyong laman, napakalayong sumunod ka sa mga kautusan. Ito ang pinakamalalim na aral sa lahat. Sa bawat kapanahunan, maraming katotohanang kailangang pasukin at unawain ng tao, ngunit sa bawat kapanahunan, mayroon ding iba’t ibang kautusang kalakip ng mga katotohanang iyon. Ang katotohanang isinasagawa ng mga tao ay may kaugnayan sa isang partikular na kapanahunan, at gayon din ang mga kautusang sinusunod nila. Bawat kapanahunan ay may sarili nitong mga katotohanang isasagawa at mga kautusang susundin. Gayunman, depende sa iba-ibang kautusang ipinahayag ng Diyos—ibig sabihin, depende sa iba’t ibang kapanahunan—ang layunin at epekto ng pagsasagawa ng tao ng katotohanan ay magkakaiba ang laki. Masasabi na ang mga kautusan ay nagsisilbi sa katotohanan, at ang katotohanan ay umiiral upang mapanatili ang mga kautusan. Kung katotohanan lamang ang mayroon, hindi magkakaroon ng mga pagbabago sa gawain ng Diyos na mapag-uusapan. Gayunman, sa pagtukoy sa mga kautusan, makikilala ng tao ang lawak ng mga kalakaran sa gawain ng Banal na Espiritu, at malalaman ng tao ang kapanahunan kung saan gumagawa ang Diyos. Sa relihiyon, maraming taong maaaring magsagawa ng mga katotohanang isinagawa ng mga tao sa Kapanahunan ng Kautusan. Gayunman, wala sa kanila ang mga kautusan ng bagong kapanahunan, ni hindi nila masusunod ang mga ito. Sinusunod pa rin nila ang mga dating gawi at nananatiling mga sinaunang tao. Hindi sila sinamahan ng mga bagong pamamaraan ng gawain at hindi nila makita ang mga kautusan ng bagong kapanahunan. Sa gayon, wala sa kanila ang gawain ng Diyos. Para bang mayroon lamang silang mga itlog na walang laman: kung walang sisiw sa loob, walang espiritu. Para mas tumpak, ibig sabihin ay wala silang buhay. Ang gayong mga tao ay hindi pa nakapasok sa bagong kapanahunan at napag-iwanan nang maraming hakbang. Kung gayon, walang silbi ang magkaroon ng mga katotohanan mula sa mas lumang mga kapanahunan ngunit walang mga kautusan ng bagong kapanahunan. Marami sa inyo ang nagsasagawa ng katotohanan ngayon ngunit hindi ninyo sinusunod ang mga kautusan nito. Wala kayong mapapala, at ang katotohanang inyong isinasagawa ay mawawalan ng halaga at kabuluhan at hindi kayo pupurihin ng Diyos. Ang pagsasagawa ng katotohanan ay kailangang gawin ayon sa mga limitasyon ng mga pamamaraan ng kasalukuyang gawain ng Banal na Espiritu; kailangan itong gawin bilang tugon sa tinig ng praktikal na Diyos ngayon. Kapag hindi ito ginawa, walang saysay ang lahat, tulad ng pagtatangkang sumalok ng tubig gamit ang isang basket na kawayan. Ito rin ang praktikal na kahulugan ng pagpapahayag ng mga kautusan ng bagong kapanahunan. Kung susunod ang mga tao sa mga kautusan, kahit paano ay dapat nilang makilala ang praktikal na Diyos na nagpapakita sa katawang-tao, nang hindi nalilito. Sa madaling salita, dapat unawain ng mga tao ang mga prinsipyo ng pagsunod sa mga kautusan. Ang pagsunod sa mga kautusan ay hindi nangangahulugan ng pagsunod sa mga ito nang hindi maayos o hindi makatwiran, kundi pagsunod sa mga ito nang may batayan, may layunin, at may mga prinsipyo. Ang unang bagay na kakamtan ay ang maging malinaw ang inyong mga pananaw. Kung mayroon kang ganap na pagkaunawa sa gawain ng Banal na Espiritu sa kasalukuyan, at kung papasok ka sa mga pamamaraan ngayon ng gawain, likas kang magtatamo ng malinaw na pagkaunawa sa pagsunod sa mga kautusan. Kung dumating ang araw na malinaw mong nakikita ang diwa ng mga kautusan ng bagong kapanahunan at nasusunod ang mga kautusan, nagawa ka nang perpekto. Ito ang praktikal na kabuluhan ng pagsasagawa ng katotohanan at pagsunod sa mga kautusan. Maisasagawa mo man ang katotohanan o hindi ay depende sa kung paano mo nahihiwatigan ang diwa ng mga kautusan ng bagong kapanahunan. Ang gawain ng Banal na Espiritu ay patuloy na magpapakita sa tao, at darami pang lalo ang kakailanganin ng Diyos sa tao. Samakatuwid, ang mga katotohanang talagang isinasagawa ng tao ay darami pa, at magiging mas mahirap, at ang mga epekto ng pagsunod sa mga kautusan ay magiging mas malalim. Samakatuwid, kailangang sabay ninyong isagawa ang katotohanan at sundin ang mga kautusan. Walang sinumang dapat magpabaya sa bagay na ito; hayaang sabay na magsimula ang bagong katotohanan at mga bagong kautusan sa bagong kapanahunang ito.