14. Sa Wakas ay Malaya Na sa mga Maling Pagkaunawa
Ilang taon na ang nakalilipas, gumawa ako ng mga video sa iglesia. May isang beses na hindi ko nagawa nang maayos ang tungkulin ko, at ang dalawang video na ginawa ko ay pansamantalang ipinagpaliban dahil sa mga problema sa mga ideya ng mga ito. Noong panahong iyon, malungkot na malungkot ako dahil natakot ako na bababa ang tingin sa akin ng aking mga kapatid. Para patunayan ang kakayahan ko, lubos akong nagsumikap at gumugol ng ilang araw sa pagpaplano ng isa pang video, pero matapos basahin ang plano, pinuna ng lider na ang konsepto ay luma na raw at malabo. Matapos ang talakayan, naramdaman ng lahat na ang plano ay hindi karapat-dapat ituloy, kaya ibinasura ito. Pakiramdam ko, bigo ako, nasa negatibong kalagayan ako, at wala akong lakas para gawin ang tungkulin ko. Isang araw, hindi sinasadyang nalaman ko na sinabi ng ilang kapatid na magulo ang isip ko. Nang marinig ko iyon, agad na nadurog ang puso ko, at gulung-gulo ang isip ko, “Sinabi ng lider na hindi malinaw ang pag-iisip ko, at sinabi ng mga kapatid na ang isip ko ay magulo. Hindi ba’t nangangahulugan iyon na isa akong naguguluhang tao? Mauunawaan ba ng mga naguguluhang tao ang katotohanan at maliligtas ba sila ng Diyos? Palalayasin ba ako?” Sobra akong naging negatibo at nagdusa sa isiping iyon, at gusto kong takasan ang sitwasyon.
Nang sumunod na araw, umiyak ako at sinabi ko sa lider at sa lider ng grupo, “Masyadong mahina ang kakayahan ko, at napakahirap ng tungkulin na ito. Pakiusap, hayaan mong ibang tungkulin na lang ang gawin ko.” Nagbahagi sa akin ang lider, sinasabing, “Lahat tayo ay may mga pagkukulang, at hindi maiiwasang magkakaroon ng mga dagok at pagkabigo sa ating tungkulin. Kung may anumang problema o mga paglihis, kailangan nating ibuod ang mga ito, hanapin ang katotohanan para lutasin ang mga problema, at patuloy na magsumikap. Ang tungkuling ito ay hindi naman imposible para sa’yo.” Pero nang panahong iyon, hindi ito tumatak sa akin, at gusto ko na lang umalis. Kaya umalis ako nang may maling pagkaunawa sa Diyos at pagkawalay sa aking mga kapatid. Kalaunan, nagsimula akong magsanay na mangaral ng ebanghelyo. Matapos ang isang panahon ng pagsusumikap, humusay ako nang humusay sa aking tungkulin, at ang mga kapatid sa grupo ay madalas akong tinatanong kapag mayroon silang mga katanungan. Pakiramdam ko, bahagya akong nagkaroon uli ng kumpyansa, araw-araw na maganda ang pakiramdam ko, at may lakas akong gawin ang tungkulin ko.
Pero sa hindi inaasahan, makalipas ang isang taon, dahil kailangan sa trabaho, isinaayos ng lider na gumawa ulit ako ng mga video. Sa simula, epektibo ako sa tungkulin ko at hindi napipigilan ng kahit ano. Pero kalaunan, nung kinailangan ng pagbabago sa paggawa ng video, ang mga naiisip ko ay palaging luma at ang mga plano ko ay palaging natatanggihan, at nalagay na naman ako sa isang negatibong kalagayan. Tiningnan ko ang sarili ko bilang may mababang kakayahan, naguguluhan, at walang kakayahang gawin ang tungkulin. Nakita ng lider ng grupo na medyo pasibo ako sa tungkulin ko at walang pakialam, kaya matiyaga siyang nagbahagi sa akin tungkol sa katotohanan, sinuportahan at tinulungan niya ako, at sinabi sa akin, “Halos magkasingtagal kayo ni Brother Francis na gumagawa ng mga video. Siya ay napakamasigasig, mahusay sa pag-aaral at pagbubuod, at umuusad siya sa kanyang tungkulin. Ikaw, hindi masyado, kaya kailangan mong magsumikap.” Nang marinig ko ito, talagang nabalisa ako. Naisip ko, “Pinuna mo ang problema sa tungkulin ko, kaya babaguhin ko ito. Pero bakit mo ako ikinukumpara kay Brother Francis? May mahusay siyang kakayahan at malinaw na pag-iisip, at palaging nababagay na linangin. Magulo ako. Hindi niya ako katulad. Walang pagkakapareho.” Noong panahong iyon, sobra kong nilalabanan ang mga mungkahi at tulong ng lider ng grupo, at hindi ko pinagnilayan ang sarili ko. Makalipas ang mga isang linggo, nalaman ng lider ng grupo na kami ni Sister Julie ay hindi maayos ang pagtutulungan, kaya nagbahagi siya sa akin, “Kapareha mo si Sister Julie. Mas flexible siyang mag-isip, at mas mahusay naman ang iyong mga teknikal na kasanayan, kaya pinupunan n’yo ang isa’t isa. Dapat kang mas makipagtalakayan sa kanya, mas makinig sa kanyang mga opinyon at matuto mula sa kanyang mga kalakasan. Sa gano’ng paraan ka makakausad. Nitong huli, hindi maganda ang mga resulta ng iyong mga tungkulin, at luma pa rin ang iyong mga ideya para sa mga video. Hindi mo ba naiisip na kailangan mong pagnilayan ito?” Malungkot na malungkot akong marinig na ilantad ng lider ng grupo nang ganito ang mga problema ko. Pakiramdam ko ay minamaliit at inaalipusta niya ako. Kailan lang ay pinuna niya ang mga problema ko, at ngayon, bago pa man ako makabangon, inilalantad niya naman ako. Habang lalo ko itong naiisip, lalong sumasama ang loob ko, at umiyak ako sa pagkadismaya. Hindi ko napigilang magsabi ng isang bagay na pinagsisisihan ko pa rin hanggang ngayon. Sabi ko, “Sa grupo, pakiramdam ko ay hindi ako kailanngan. Hindi ako nakakatulong, pero isinasali n’yo pa rin ako.” Talagang natigilan ang lider ng grupo. Sabi niya, “Paano mo iyan nasabi? Hindi gano’n ang tingin sa’yo ng kahit sino! Kailangan nating hanapin ang katotohanan para malutas ang mga problema sa ating tungkulin. Hindi tayo pwedeng maging negatibo at labanan ito.” Pero gaano man magbahagi ang lider ng grupo, hindi ako nakinig. Pakiramdam ko, naguguluhan ako, hindi nasisiyahan ang Diyos sa akin, hindi ako gusto ng mga kapatid ko, at isa akong hindi mahalaga at hindi kailangang miyembro ng grupo. Habang lalo akong nag-iisip, lalong sumasama ang loob ko, at namuhay ako sa isang negatibong kalagayan at maling pagkaunawa, mas lumayo ang relasyon ko sa Diyos, at ang kumpyansa ko ay bumaba nang bumaba. Naging mantra ko iyong “Mahina ang kakayahan ko.”
Kalaunan, habang gumagawa ng isang video kasama ang aking kapareha, sa tuwing mayroon siyang ibang pananaw sa talakayan, nagkokompromiso ako at sinasabing, “Mahina ang kakayahan ko at ang mga ideya ko ay hindi maganda. Malinaw mong nakikita ang problema, kaya sundin mo na lang ang mga ideya mo.” Pagkatapos ay binura ko ang mungkahi ko. Nabalisa ang kapareha ko nang makita niya ito, “Bakit mo iyun binura? Marami akong pagkukulang, at hindi ko rin naman malinaw na nakikita ang mga problema.” Mayamaya, lumapit siya sa akin para talakayin ang kanyang kalagayan. Sabi niya, mayroon siyang mapagmataas na disposisyon sa kanyang gawain kasama ako, at medyo minaliit niya ako, at kailangan niyang pagnilayan ang kanyang sarili. Matapos marinig na sabihin niya iyon, sa panlabas, kalmado ako, pero lubos akong nahihirapan, at ayaw kong makipag-usap nang masinsinan sa kanya, kanya pinilit ko ang sarili ko na sabihing, “Mapapatawad ka sa pagpapakita ng kayabangan. Sino bang hindi gagawin iyon, kung ginagawa nila ang kanilang tungkulin kasama ang isang taong may mahinang kakayahan tulad ko? Kung ako ikaw, gano’n din ang gagawin ko.” Nang panahong iyon, hindi niya alam ang gagawin at kung anong sasabihin sa akin. Kaya, namuhay ako sa negatibong kalagayan at maling pagkaunawa. Nahihirapan at nagdurusa ang puso ko, at hirap na hirap akong gawin ang tungkulin ko. Lalo na pagkatapos gumawa ng isang video, kapag kailangan na naming ipaliwanag ang ideya sa likod nito at humingi ng mga komento sa lahat, bihira akong magsalita, at hindi ako nagtatangkang makisali sa mga talakayan, kaya umaasa ako sa kapareha ko sa mga gano’ng okasyon. Kapag hindi ako makatulog sa gabi, naiisip ko, “Bakit ko ba palaging pinipigilan ang sarili ko sa tungkulin ko at wala akong kumpyansa? Bakit ba palagi akong natatakot na maliitin? Bakit ba napakahirap ng buhay para sa akin?” Ayoko nang manlumo nang ganito. Gusto kong mamuhay sa isang positibong kalagayan tulad ng iba, at magawa nang normal ang mga tungkulin ko, pero hindi ko talaga matanggal ang negatibong kalagayan na ito. Ang nagagawa ko na lang ay tumawag sa Diyos para iligtas at tulungan akong makatakas sa masamang kalagayan na ito.
Hindi nagtagal, sa isang pagtitipon, narinig kong basahin ng lider ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na nagpaunawa sa akin ng problema ko at nagpabago sa kalagayan ko. Sabi ng Diyos: “Kapag lumalayo ang mga tao mula sa Diyos, kapag namumuhay sila sa isang kalagayan na mali ang interpretasyon nila sa Diyos, o lumalaban, sumasalungat sa Diyos, at nakikipagtalo sa Diyos, lubos na nilang nilisan ang pangangalaga at proteksyon ng Diyos, ganap na silang lumayo sa liwanag ng presensya ng Diyos. Kapag ganito ang kalagayan ng pamumuhay ng mga tao, hindi nila mapipigilang mamuhay ayon sa sarili nilang damdamin. Ang munting isipin ay maaaring makagulo sa iyong isipan kaya hindi ka makakakain o makakatulog, ang isang walang-ingat na komento mula sa isang tao ay maaaring magdulot sa iyo ng pagdududa at pagkalito, kahit ang iisang masamang panaginip ay maaari kang gawing negatibo at maging dahilan para magkamali ka ng interpretasyon sa Diyos. Sa sandaling mangyari ang ganitong uri ng paulit-ulit na kasamaan, matutukoy ng mga tao na tapos na ang lahat para sa kanila, na nawala ang lahat ng kanilang pag-asang maligtas, na hindi sila mahal ng Diyos, na tinalikdan na sila ng Diyos, na hindi sila ililigtas ng Diyos. Habang mas nag-iisip sila nang ganito, at mas nadarama nila ito, lalo silang nagiging negatibo. Ang tunay na dahilan kaya ganito ang pakiramdam ng mga tao ay dahil hindi sila naghahanap sa katotohanan o nagsasagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyo. At dahil, kapag may nangyayari sa kanila, hindi hinahanap ng mga tao ang katotohanan, at hindi isinasagawa ang katotohanan, dahil lagi nilang ginagawa ang gusto nilang gawin, at nabubuhay sila sa gitna ng sarili nilang mga walang-kuwentang pakana, ginugugol ang bawat araw sa pagkukumpara sa kanilang sarili sa iba at pakikipagpaligsahan sa iba, kinaiinggitan at kinamumuhian ang sinumang mas mahusay kaysa sa kanila, at nililibak at kinukutya ang sinumang iniisip nila na mas mababa sa kanila, namumuhay sa disposisyon ni Satanas, hindi ginagawa ang mga bagay ayon sa mga katotohanang prinsipyo, at tumatangging tanggapin ang paalala ng sinuman, ito ay nauuwi sa lahat ng uri ng kahibangan, haka-haka, at panghuhusga, at lagi silang balisa. At hindi ba’t sila ang may kasalanan nito? Mga tao lamang ang nagpapasan sa kanilang sarili ng gayong kapait na bunga—at iyon naman ang nararapat talaga sa kanila. Ano ang nagsasanhi ng lahat ng ito? Ito ay dahil hindi hinahanap ng mga tao ang katotohanan, masyado silang mayabang at nag-aakalang mas matuwid sila kaysa sa iba, kumikilos sila ayon sa sarili nilang mga hilig, lagi silang nagpapasikat at nagkukumpara ng kanilang sarili sa iba, palagi silang nagsisikap na maitangi ang kanilang sarili, palaging humihingi ng mga hindi makatwirang bagay sa Diyos, at iba pa—lahat ng bagay na ito ay nagiging dahilan para unti-unting mapalayo ang mga tao sa Diyos, na salungatin ng tao ang Diyos at suwayin ang katotohanan nang paulit-ulit. Sa huli, sinasadlak nila ang kanilang sarili sa kadiliman at pagiging negatibo. At sa gayong mga pagkakataon, imposibleng magkaroon ng tunay na pagkaunawa ang mga tao sa kanilang paghihimagsik at pagbalaban, lalong imposibleng magkaroon sila ng tamang saloobin; sa halip, nagrereklamo sila tungkol sa Diyos, nagkakamali sila ng pag-unawa sa Diyos, pinagdududahan nila ang Diyos. Kapag nangyayari ito, natatanto ng mga tao sa wakas na napakalalim ng kanilang katiwalian at na sobrang nakababahala ang mga ito, kaya nalalaman nila na sinasalungat nila ang Diyos, at hindi nila mapigilang masadlak sa pagiging negatibo, hindi nila magawang makaalpas. Ang pinaniniwalaan nila ay, ‘Kinasusuklaman at itinatakwil ako ng Diyos, ayaw ng Diyos sa akin. Masyado akong mapaghimagsik, nararapat lang sa akin ito, siguradong hindi na ako ililigtas ng Diyos.’ Naniniwala sila na ang lahat ng ito ay katunayan, na ang mga bagay na ito ay totoo. Ipinapasya nila na ang mga bagay na iniisip nila sa kanilang puso ay mga katunayan. Sino man ang nagbabahagi ng katotohanan sa kanila, wala itong silbi, hindi nila ito matanggap. Iniisip nila, ‘Hindi ako pagpapalain ng Diyos, hindi Niya ako ililigtas, kaya bakit pa ako maniniwala sa Diyos?’ Kapag umabot na sa puntong ito ang landas ng kanilang paniniwala sa Diyos, may kakayahan pa bang manalig ang mga tao? Wala na. Bakit hindi na sila makakapagpatuloy? May isang katunayan dito. Kapag umabot sa isang partikular na punto ang pagkanegatibo ng mga tao, kapag ang kanilang puso ay puno ng pagsalungat at reklamo, at nais nilang putulin ang lahat ng kaugnayan nila sa Diyos, hindi na ito kasingsimple ng kawalan nila ng takot sa Diyos, hindi pagsunod sa Diyos, hindi pagmamahal sa katotohanan, at hindi pagtanggap sa katotohanan. Sa halip ay ano ang nangyayari? Sa puso nila, nakagawa na sila ng sarili nilang desisyon na isuko ang kanilang pananampalataya sa Diyos. Iniisip nila na nakakahiya na pasibong maghintay na mapalayas, na mas may dignidad sa pagpili na sumuko, kaya nga sila na mismo ang nagkukusa na putulin ang lahat ng kanilang kaugnayan. Kinokondena nila ang pananampalataya sa Diyos bilang masama, kinokondena nila ang katotohanan bilang walang kakayahang baguhin ang mga tao, at kinokondena nila ang Diyos bilang hindi matuwid, nagtatanong sila—nang may hinanakit—kung bakit hindi sila iniligtas ng Diyos: ‘Napakarami kong ginawang sakripisyo, seryosong-seryoso ako, nagsumikap ako nang husto, mas marami akong pinagdusahan kaysa sa iba, at mas nagsikap ako kaysa sa lahat, ngunit hindi pa rin ako pinagpala ng Diyos. Ngayon ay nakikita ko na ayaw sa akin ng Diyos, na ang Diyos ay may kinikilingan.’ May gana pa silang gawing pagkondena at paglapastangan sa Diyos ang kanilang mga pagdududa. Kapag nangyayari ang gayong mga bagay, maaari pa ba silang magpatuloy sa landas ng pananampalataya sa Diyos? Dahil naghihimagsik sila laban sa Diyos at sumasalungat sa Diyos, at hindi tinatanggap ang katotohanan o hindi pinagninilayan man lamang ang kanilang sarili, mawawasak nila ang kanilang sarili” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 17). Pakiramdam ko, bawat salitang sinabi ng Diyos ay isang paalala, isang pagsusuri, o maging isang babala sa akin, lalo na nung sinabi ng Diyos: “Ang tunay na dahilan kaya ganito ang pakiramdam ng mga tao ay dahil hindi sila naghahanap sa katotohanan o nagsasagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyo.” Habang iniisip ang mga salitang ito, sinimulan kong pagnilayan ang sarili ko, at sa wakas ay nalaman ko na sa buong panahong ito, hindi ko kailanman hinanap ang katotohanan kapag nahaharap ako sa mga ganitong sitwasyon, at hindi rin ako nagsagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Ganap akong namumuhay sa loob ng sarili kong imahinasyon at haka-haka. Inalala ko kung panoong nung paulit-ulit akong nabigong gumawa ng mga video, at narinig ko ang komento ng mga kapatid na magulo raw ang isip ko, hindi ko pinagnilayan ang mga sarili kong problema, sa halip, pinili kong tumakas at mamuhay sa pagkanegatibo at maling pagkaunawa. Nung nagsimula akong gumawa ulit ng mga video, hindi ako natuto sa mga dati kong kabiguan. Sa halip, ginawa ko ang tungkulin ko nang may pasibo at depensibong mentalidad. Nung marinig ko na pinuri ng lider ng grupo ang iba, tapos ay pinuna niya ang mga problema sa tungkulin ko, lalo pa akong naging negatibo. Pakiramdam ko, may mahina akong kakayahan at naguguluhan ako. Pinaghinalaan ko ang mga kapatid ko na minamaliit ako, at lalo pang naging mali ang pagkaunawa ko sa Diyos, na nagdulot ng mas matinding pasakit at kadiliman sa aking puso, at naging dahilan para hindi ako maging epektibo sa aking tungkulin. Pinigilan ko ang sarili ko sa lahat ng bagay at pakiramdam ko ay talagang napipigilan ako. No’n ko lang malinaw na nakita na walang problema sa mga tao at bagay sa paligid ko, at hindi ako hindi pinapaboran ng Diyos. Hindi ko hinahanap ang katotohanan, at palagi akong lumalaban, inalalayo ko ang sarili ko, at kinamumuhian ang makastigo at madisiplina, maiwasto at mapungusan ng Diyos. Ang pagiging suwail at paglaban ko sa Diyos ay masyadong malala, na naging dahilan para mapunta ako sa kadiliman at pasakit, at lalong mapawalay sa Diyos. Sino ba kundi ako ang dapat sisihin nang hindi ko nagawa nang maayos ang tungkulin ko? Sa wakas ay naunawaan ko na ang ibig sabihin ng “pinipigilan ang iyong sarili.” May isa pa akong malinaw na nakita, iyon ay na kahit na nananalig ako sa Diyos, at tumalikod ako at gumugol, hindi ko tunay na tinanggap ang katotohanan o kinilala na ang katotohanang ipinapahayag ng Diyos ay kayang magligtas ng tao. Nang magkaroon ako ng mga kabiguan at dagok sa tungkulin ko, lumaban ako, umasta nang wala sa katwiran, at inilarawan ang sarili ko bilang may mahinang kakayahan. Naramdaman ko pa nga na hindi inililigtas ng Diyos ang mga taong tulad ko. Madalas akong hindi kontento, at naramdaman ko na kaya kong tiisin ang mga paghihirap at gumawa ng mga sakripisyo sa tungkulin ko; nagdusa rin ako gaya ng iba. Kaya bakit palagi akong ibinubunyag na napakahina rito? Bakit hindi magiliw ang Diyos sa akin? Hindi ba’t itinatanggi ko ang pagiging matuwid ng Diyos? Ito’y kalapastanganan! Habang lalo akong nagninilay, lalo akong natatakot. Naramdaman ko na masyadong mapanganib ang kalagayan ko. Kapag hindi ko binago ang mga bagay-bagay at tunay na nagsisi, tiyak na palalayasin ako ng Diyos. Ang bawat kalagayan sa pagsusuri ng Diyos ay nakaantig sa puso ko. Nang makita ko kung gaano kalala ang problema ko, humagulgol ako nang iyak. Kinamuhian ko ang sarili ko dahil sa hindi ko paghahanap sa katotohanan, hindi pagtanggap sa mga salita ng Diyos, at sa pagpapahamak ko sa sarili ko. Nakaramdam ako ng matinding pagsisisi, kaya nagdasal ako sa Diyos, “Diyos ko, ayoko nang maging sobrang rebelde at matigas ang ulo, at ayoko nang mamuhay sa maling pagkaunawa o saktan ulit ang Iyong puso. Gusto ko nang magsisi!”
Pagkatapos noon, pumunta ang lider ng grupo para magbahagi sa akin. Inilantad at pinuna niya iyong ugali ko na maging negatibo, at binasahan niya ako ng salita ng Diyos. Sobra akong naantig. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Sa bawat yugto—dinidisiplina o itinatama ka man ng Diyos, o kapag pinapaalalahanan ka Niya at pinapayuhan—hangga’t may hidwaang naganap sa pagitan mo at ng Diyos, ngunit hindi ka nagbabago, at patuloy kang kumakapit sa mga sarili mong ideya, pananaw, at saloobin, kahit pa ang mga hakbang mo ay pasulong, ang hidwaan sa pagitan mo at ng Diyos, ang iyong mga maling pagkaunawa sa Kanya, ang iyong mga reklamo at paghihimagsik laban sa Kanya ay hindi naitatama, at ang iyong puso ay hindi nagbabago. Ang Diyos kung gayon, sa Kanyang bahagi, ay palalayasin ka. Bagama’t hindi mo pa tinatalikuran ang tungkuling hawak mo, at ginagampanan mo pa rin ang iyong tungkulin at may kaunting katapatan ka pa rin sa naiatas ng Diyos, at nakikita ng mga tao na katanggap-tanggap ito, ang alitan sa pagitan mo at ng Diyos ay may permanenteng buhol na. Hindi mo ginamit ang katotohanan para lutasin ito at magtamo ng tunay na pagkaunawa sa kalooban ng Diyos. Dahil dito, lumalim ang maling pagkaunawa mo sa Diyos, at palagi mong iniisip na mali ang Diyos at hindi makatarungan ang nagiging pagtrato sa iyo. Nangangahulugan itong hindi ka pa nagbabago. Nananaig pa rin ang iyong paghihimagsik, ang iyong mga haka-haka, at ang iyong maling pagkaunawa sa Diyos, na nagdudulot sa iyo na magkaroon ng masuwaying mentalidad, na laging maghimagsik at lumaban sa Diyos. Hindi ba’t ito ang uri ng tao na naghihimagsik sa Diyos, lumalaban sa Diyos, at matigas na tumatangging magsisi? Bakit gayon na lang ang pagpapahalaga ng Diyos sa pagbabago ng mga tao? Anong saloobin ang dapat mayroon ang isang nilikha sa Lumikha? Ang saloobing kumikilala na ang Lumikha ay tama, anuman ang Kanyang gawin. Kung hindi mo ito kikilalanin, na ang Lumikha ang katotohanan, ang daan, at ang buhay, magiging mga hungkag na salita lamang ang mga ito sa iyo. Kung gayon nga, makakamit mo pa rin ba ang kaligtasan? Hindi. Hindi ka magiging karapat-dapat; hindi inililigtas ng Diyos ang mga taong katulad mo. … Dapat kang magbago at isantabi ang iyong mga ideya at layunin. Sa sandaling mayroon ka na ng layuning ito, likas na magiging mapagmasakop rin ang saloobin mo. Gayunpaman, sa mas partikular na pananalita, tumutukoy ito sa mga taong nagkakaroon ng pagbabago sa kanilang saloobin sa Diyos, ang Lumikha; ito ay pagkilala at pagpapatunay sa katotohanang ang Lumikha ang katotohanan, ang daan, at ang buhay. Kung mababago mo ang iyong sarili, ipinapakita nitong kaya mong isantabi ang mga bagay na sa tingin mo ay tama, o ang mga bagay na sama-samang ipinagpapalagay ng sangkatauhan—na tiwali—na tama; at, sa halip, kinikilala mong ang mga salita ng Diyos ang katotohanan at positibong mga bagay. Kung magkakaroon ka ng ganitong saloobin, pinatutunayan nito ang pagtanggap mo sa pagkakakilanlan ng Lumikha at sa Kanyang diwa. Ganito ang pagtingin ng Diyos sa isyu, at samakatuwid ay itinuturing Niyang napakahalaga ang pagbabago ng tao” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Paglutas Lamang sa mga Kuru-kuro ng Isang Tao Siya Makakapagsimula sa Tamang Landas ng Pananalig sa Diyos 3). Habang pinagninilayan ko ang salita ng Diyos, naunawaan ko kung bakit mahalaga para sa Diyos na magbago ang mga tao. Sa gawain ng Diyos para iligtas ang tao, hindi mahalaga kung gaano karaming gawain ang kayang gawin ng isang tao o kung gaano katinding pagdurusa ang kaya niyang tiisin. Ang tinitingnan ng Diyos ay ang puso ng mga tao. Tinitingnan Niya kung tinatanggap man nila na ang Diyos ang katotohanan, ang daan, at ang buhay, at kung sumusunod sila sa Diyos. Kung ang isang tao ay naghahayag ng labis na katiwalian at gumagawa ng mga bagay na labag sa katotohanan, pero hindi kailanman pinagninilayan ang kanyang mga problema o tinatanggap ang katotohanan, at palaging nagkikimkim ng mga maling pagkaunawa sa Diyos, kahit na sa panlabas, kayang magtiis ng pagdurusa at magsakripisyo ang gano’ng tao, para sa Diyos, nilalabanan at pinagtataksilan pa rin niya ang Diyos. Sa huli, ang mga gano’ng tao ay palalayasin, at hindi maliligtas. Pinag-isipan ko kung paanong, sa paglipas ng mga taon, palaging naging mali ang pagkaunawa ko sa Diyos, at may mga pasubali ako tungkol sa Kanya, pero hindi ko kailanman nilutas ang mga isyung ito. Ginawa ko na lang manhid ang sarili ko sa pamamagitan ng pagiging abala sa aking tungkulin. No’ng nalantad na ang mga problema sa aking tungkulin at nabunyag na marami akong pagkukulang at nasaktan nito ang ego ko, minarkahan ko ang sarili ko ng mga negatibong salita, at nagsabi pa nga ako ng mga reklamo at maling pagkaunawa laban sa Diyos. Sa paglipas ng panahon, nadagdagan nang nadagdagan ang sama ng loob ko, at mas tumindi ang pagkawalay ko sa Diyos, at lumala nang lumala ang kalagayan ko. Hindi ko maiwasang tanungin ang sarili ko, “Kahit na araw-araw kong ginagawang abala ang sarili ko sa tungkulin ko, at hindi ako kailanman gumawa ng anumang napakasama, malayo sa Diyos ang puso ko, at palagi ko Siyang nilalabanan at hindi nauunawaan. Paano ako matatawag na isang mananampalataya ng Diyos? Sasang-ayunan ba ng Diyos ang ganitong pananalig? Madalas akong namumuhay sa maling pagkaunawa at pagiging negatibo, at hindi ako kailanman nakaramdam ng paglaya. Kahit habang ginagawa ko ang tungkulin ko, mahirap matanggap ang gawain ng Banal na Espiritu. Kaya ko lang umusad nang marahan sa pamamagitan ng pag-asa sa aking mga dating karanasan. Paano ako lalago nang gano’n? Anong makakamit ko sa pananampalataya sa ganitong paraan?” Noon ko lang malinaw na napagtanto kung gaano kaimportanteng tanggalin ang mga maling pagkaunawa sa Diyos at magkaroon ng pusong tunay na nagsisisi. Sa tatlong taong ito, hindi ko kailanman napakawalan kung paano nagkomento ang aking mga kapatid na hindi malinaw ang isip ko. Hindi ko kailanman hinanap ang katotohanan sa bagay na ito o pinagnilayan ang aking sarili batay sa salita ng Diyos. Ngayon, alam ko nang kailangan kong hanapin ang katotohanan para lutasin ang problemang ito.
Kaya, naghanap ako ng mga nauugnay na bahagi ng salita ng Diyos. Sabi ng mga salita ng Diyos: “Kapag tinatawag ka ng Diyos na hangal, hindi Niya hinihingi sa iyo na tanggapin ang isang pahayag, o salita, o pakahulugan—hinihingi Niya na unawain mo ang katotohanang nakapaloob dito. Kaya kapag may tinawag nga ang Diyos na hangal, anong katotohanan ang nakapaloob dito? Nauunawaan ng lahat ang mababaw na kahulugan ng salitang ‘hangal.’ Ngunit pagdating sa mga pagpapamalas at disposisyon ng isang hangal, kung alin sa mga bagay na ginagawa ng mga tao ang kahangalan at alin ang hindi, kung bakit inilalantad ng Diyos ang mga tao sa ganitong paraan, kung maaari bang humarap sa Diyos ang mga hangal o hindi, kung kaya bang kumilos ng mga hangal ayon sa prinsipyo o hindi, kung kaya ba nilang maunawaan o hindi kung ano ang tama at ano ang mali, kung kaya ba nilang makilatis o hindi kung ano ang minamahal ng Diyos at ano ang kinasusuklaman ng Diyos—kadalasan, hindi malinaw sa mga tao ang mga bagay na ito; para sa kanila ay malabo ang mga ito at hindi maliwanag, ganap na hindi malinaw. Halimbawa: Kadalasan ay hindi alam ng mga tao—hindi malinaw sa kanila—kung ang paggawa ba ng isang bagay sa isang partikular na paraan ay pagsunod lamang sa mga tuntunin, o pagsasagawa ng katotohanan. Ni hindi nila alam—ni hindi malinaw sa kanila—kung ang isang bagay ba ay minamahal ng Diyos o kinasusuklaman ng Diyos. Hindi nila alam kung ang pagsasagawa sa isang partikular na paraan ay paghihigpit sa mga tao, o normal na pagbabahagi ng katotohanan at pagtulong sa mga tao. Hindi nila alam kung ang mga prinsipyo ba sa likod ng paraan ng pagkilos nila sa mga tao ay tama, at kung sinusubukan ba nilang magkaroon ng mga kakampi, o tumulong sa mga tao. Hindi nila alam kung ang pagkilos ba sa isang partikular na paraan ay pagsunod sa isang prinsipyo at paninindigan sa kanilang posisyon, o pagiging mayabang at mapagmagaling, at pagpapakitang-gilas. Kapag wala silang ibang magawa, mahilig tumitig sa salamin ang ilang tao; hindi nila alam kung ito ba ay narsisismo at banidad, o kung ito ay normal. Ang ilang tao ay mainitin ang ulo at medyo kakatwa; masasabi ba nila kung ito ba ay may kaugnayan sa pagkakaroon nila ng masamang disposisyon? Ni hindi makita ng mga tao ang kaibhan sa pagitan ng mga bagay na ito na karaniwang nakikita, karaniwang nakakaharap—subalit sinasabi pa rin nila na napakarami nilang nakamit sa pananalig sa Diyos. Hindi ba’t kahangalan ito? Kaya matatanggap ba ninyong matawag na hangal? (Oo.) … At nais ba ninyong maging mga hangal sa buong buhay ninyo? (Hindi.) Walang sinuman ang nais na maging hangal. Sa katunayan, ang pagbabahagi at pagsusuri sa ganitong paraan ay hindi para pasubukan sa iyo na iklasipika ang sarili mo na isang hangal; paano ka man ilarawan ng Diyos, ano man ang ilantad Niya tungkol sa iyo, paano ka man Niya hatulan at parusahan, o iwasto at pungusan, ang sukdulang layunin ay tulutan kang matakasan ang mga kalagayang iyon, maunawaan mo ang katotohanan, matamo ang katotohanan, at sikaping hindi maging hangal. Kaya ano ang dapat mong gawin kung ayaw mong maging hangal? Kailangan mong hangarin ang katotohanan. Una sa lahat, kailangan mong malaman kung saang mga bagay ka isang hangal, kung saang mga bagay ka palaging nangangaral ng doktrina, palaging nagpapaligoy-ligoy tungkol sa teorya at mga salita at doktrina, at natutulala kapag nahaharap ka sa mga katunayan. Kapag nilutas mo ang mga problemang ito at naging malinaw sa iyo ang bawat aspeto ng katotohanan, mababawasan ang mga pagkakataon na nagiging hangal ka. Kapag mayroon kang malinaw na pagkaunawa sa bawat katotohanan, kapag malaya kang nakakakilos sa lahat ng ginagawa mo, kapag hindi ka napipigilan o nahihigpitan—kapag, may nangyari sa iyo, kaya mong matagpuan ang mga tamang prinsipyo sa pagsasagawa at talagang kaya mong kumilos ayon sa prinsipyo matapos magdasal sa Diyos, hanapin ang katotohanan, o makatagpo ng isang taong makapagbabahagi sa iyo, hindi ka na magiging hangal. Kung malinaw sa iyo ang isang bagay, at kaya mong isagawa nang tama ang katotohanan, hindi ka magiging hangal pagdating sa bagay na iyon. Kailangan lamang maunawaan ng mga tao ang katotohanan para natural na maliwanagan ang kanilang puso” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Anim na Pahiwatig ng Paglago sa Buhay). Malinaw na malinaw na ipinapaliwanag ng Diyos ang pag-uugali ng mga naguguluhang tao. Ang mga naguguluhang tao ay nalilito at nalalabuan sa lahat ng kanilang ginagawa. Wala silang paninindigan o mga prinsipyo, hindi nila alam kung anong gusto o kinamumuhian ng Diyos, at wala silang pagkakilala sa mga tao at mga pangyayari. Hindi nila kayang malinaw na makita ang mga sarili nilang pagkukulang o ang katiwaliang kanilang inihahayag. Kapag may nangyayari, hindi nila masabi kung alin ang tama at alin ang mali, at wala silang prinsipyo o landas ng pagsasagawa. Habang sinusuri ko ang sarili ko batay sa mga salita ng Diyos, sumagi sa isip ko ang mga dating eksena mula sa aking tungkulin. Nakatuon lang ako sa pagsusumikap, pero hindi kailanman sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, at hindi ko rin hinanap ang mga katotohanang prinsipyo. Kapag binibigyan ako ng aking mga kapatid ng mga mungkahi tungkol sa pag-e-edit ng mga video, hindi ko ito masyadong pinag-iisipan. Minsan, ni hindi ko nauunawaan kung anong ibig nilang sabihin, at pikit-mata ko lang na ginagawa ang mga bagay-bagay, sa pag-iisip na ang pagdurusa ay pagiging tapat sa Diyos. Naghayag ako ng napakaraming katiwalian at kakulangan sa aking tungkulin, pero hindi ako lumapit sa Diyos para hanapin ang katotohanan at lutasin ang problema. Sa halip, namuhay ako sa isang negatibong kalagayan nang ilang taon, at naging napakamanhid. Hindi ko makita kung gaano kalala ang problema ko o kung gaano kadelikado na magpatuloy nang ganito. Palagi akong nalilito at naguguluhan sa bawat araw. Hindi ba’t ang lahat ng ito ay pag-uugali ng isang taong naguguluhan? Noon ko lang napagtanto na totoo ang sinabi ng aking mga kapatid tungkol sa akin. Pero tumanggi akong tanggapin ito. Pinaghinalaan ko na minamaliit ako ng lahat, at nakaramdam ako ng masamang palagay at pagkawalay sa kanila. Hindi ko talaga dapat na ginawa iyon! Sa lahat ng taong ito, madalas akong sinusuportahan at tinutulungan ng aking mga kapatid, at hindi nila ako kailanman minaliit. Ako iyong masama, wala sa katwiran, at hindi matanggap ang katotohanan. Nang maisip ko ito, sa wakas ay napakawalan ko rin ang nakaraan. Lubos kong kinamuhian ang sarili ko dahil sa sobra kong pagkalito at hindi paghahanap sa katotohanan. Kinamuhian ko ang sarili ko sa pagiging labis kong hindi makatwiran.
Oras na mapagtanto ko na naguguluhan ako, naisip ko rin kung gaano ko kadalas na tinukoy ang sarili ko na may mahinang kakayahan. Ito’y isa pang problema kung saan dapat kong hanapin ang katotohanan para malutas. Kalaunan, nakabasa ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Kung ginawa kang hangal ng Diyos, kung gayon ay may katuturan sa iyong kahangalan; kung ginawa ka Niyang matalino, kung gayon ay may katuturan sa iyong katalinuhan. Anumang talento ang ibinibigay ng Diyos sa iyo, anuman ang iyong mga kalakasan, gaano man kataas ang iyong IQ, lahat ng ito ay may layon para sa Diyos. Ang lahat ng bagay na ito ay pauna nang itinalaga ng Diyos. Ang papel na ginagampanan mo sa iyong buhay at ang tungkuling tinutupad mo ay matagal na panahon nang paunang itinalaga ng Diyos. Nakikita ng ilang tao na ang iba ay nagtataglay ng mga kalakasan na wala sa kanila at hindi sila nasisiyahan. Gusto nilang baguhin ang mga bagay-bagay sa pamamagitan ng ibayong pag-aaral, ibayong pagtuklas, at pagiging mas masikap. Ngunit may limitasyon ang maaaring matamo ng kanilang sigasig, at hindi nila mahihigitan ang mga may kaloob at kadalubhasaan. Gaano ka man lumaban, wala itong saysay. Inorden ng Diyos kung magiging ano ka, at walang magagawa ang sinuman para baguhin ito. Saan ka man magaling, doon ka dapat magsumikap. Anuman ang tungkuling nababagay sa iyo ay ang tungkulin na dapat mong gampanan. Huwag mong subukang ipilit ang iyong sarili sa mga larangang hindi saklaw ng iyong mga kasanayan at huwag mainggit sa iba. May kanya-kanyang tungkulin ang bawat tao. Huwag mong isiping magagawa mo ang lahat nang mabuti, o na mas perpekto ka o mas mahusay kaysa sa iba, na laging gustong palitan ang iba at ibida ang sarili. Isa itong tiwaling disposisyon. May mga nag-iisip na hindi sila mahusay sa anumang bagay, at na wala talaga silang mga kasanayan. Kung ganoon ang kaso, kailangan mo lamang maging isang taong nakikinig at sumusunod sa isang praktikal na paraan. Gawin mo ang makakaya mo at gawin ito nang maayos, nang buong lakas mo. Sapat na iyon. Malulugod na ang Diyos. Huwag mong isipin palagi na malampasan ang lahat ng tao, na gawin ang lahat ng bagay nang mas magaling kaysa sa iba, at mamukod-tangi sa karamihan sa lahat ng paraan. Anong klaseng disposisyon iyan? (Isang mayabang na disposisyon.) Laging nagtataglay ng mayabang na disposisyon ang mga tao, at kahit nais nilang magsumikap para sa katotohanan at bigyang-kasiyahan ang Diyos, nagkukulang sila. Mas malamang na malihis ng landas kapag kontrolado ng mayabang na disposisyon ang mga tao. Halimbawa, may ilang tao na nais na magpasikat palagi sa pamamagitan ng pagpapahayag ng mabubuting intensyon nila sa halip na ipahayag ang mga hinihingi ng Diyos. Pupurihin ba ng Diyos ang gayong klaseng pagpapahayag ng mabubuting intensyon? Para maisaalang-alang ang kalooban ng Diyos, kailangan mong sundin ang mga hinihingi ng Diyos, at para magampanan ang iyong tungkulin, kailangan mong magpasakop sa mga pagsasaayos ng Diyos. Ang mga taong nagpapahayag ng mabubuting intensyon ay hindi isinasaalang-alang ang kalooban ng Diyos, kundi sa halip ay palaging sinusubukang gumawa ng mga panibagong panlalansi at bumibigkas ng mabulaklak na mga salita. Hindi hinihingi ng Diyos na isaalang-alang mo Siya sa ganitong paraan. Sinasabi ng ilang tao na ganito sila kapag nakikipagtagisan. Sa anumang anggulo, ang pakikipagtagisan ay isang bagay na negatibo. Isa itong paghahayag—isang pagpapamalas—ng mayabang na disposisyon ni Satanas. Kapag may ganoon kang disposisyon, palagi mong sinisikap na pigilan ang iba, palagi mong sinusubukang maungusan ang iba, palagi mong minamanipula ang iba, palaging sinusubukang may makuha sa mga tao. Labis kang naiinggit, wala kang sinusunod, at palagi mong sinusubukan na mamukod-tangi sa lahat. Magiging problema ito; ganito kumilos si Satanas. Kung talagang nais mong maging isang katanggap-tanggap na nilalang ng Diyos, huwag mo nang hangarin ang iyong sariling mga pangarap. Masama ang subukang maging higit pa at mas mahusay kaysa sa kung ano ka para makamit ang iyong mga pakay. Dapat kang matutong magpasakop sa mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Diyos, at huwag kang humigit sa kung ano ang nababagay sa posisyon mo; ito lamang ang nagpapakita ng katuturan” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang mga Prinsipyong Dapat Gumabay sa Asal ng Isang Tao). Napakalinaw ng mga salita ng Diyos! Bakit ba palagi kong sinasabi noon na mahina ang kakayahan ko? Dahil ang totoo, masyadong mapagmataas ang kalikasan ko. Palagi akong may mga ambisyon at ninanasa, gustong makaangat sa iba, at nung hindi ko magawa iyun, naging negatibo ako, masama, at minarkahan ko ang sarili ko. Masyadong matindi ang pagnanasa ko sa reputasyon at katayuan. Sa anumang grupo, natakot akong maliitin, at palaging gusto kong tingalain ako. Pero sa totoo lang, marami sa mga sarili kong problema at pagkukulang ang nagpapakita. At nung nakaranas ako ng pagwawasto, pagpupungos, mga dagok, at kabiguan, naramdaman ko na napinsala ang imahe ko at ang reputasyon ko ay nasira. Hindi ko ito maharap nang tama, at naisip ko na masyadong mahina ang kakayahan ko at na masyado akong nalilito. Madalas ko ring ikinukumpara ang sarili ko sa iba. Kapag nakikita ko na ang iba sa grupo ay may mga kalakasan at mas mahusay kaysa sa akin, pakiramdam ko, wala akong talento at hindi ako kapansin-pansin. Hindi ko matanggap ang realidad na ito, kaya palagi akong nanlulumo at nanliliit. Noon ko lang napagtanto na katanyagan at katayuan ang gusto ko, kaya ko ikinukumpara sa iba ang kakayahan at mga kaloob ko, at palagi akong naghahangad na hangaan ng iba. Lubhang malala ang aking satanikong disposisyon. Hindi ang mga kaloob at kakayahan ang susi para malaman kung kaya bang isagawa nang maayos ng isang tao ang kanyang tungkulin. Ang hangaan at sambahin ng iba ay hindi garantiya ng kaligtasan. Hindi kailanman sinabi ng Diyos ang gano’ng bagay. Gusto ng Diyos na magkaroon tayo ng pagkatao at maging makatwiran, na hangarin natin ang katotohanan sa isang mapagpakumbabang paraan, na lutasin natin ang ating mga tiwaling disposisyon, at na isabuhay natin ang wangis ng tao. Ito ang hinihingi ng Diyos sa mga tao. Naisip ko ang sinasabi ng Diyos: “Hindi mahalaga kung sinasabi Ko mang kayo ay paurong o mahina ang kakayahan—ito ay tunay lahat. Ang pagsasabi Ko nito ay hindi nagpapatunay na binabalak Kong pabayaan ka, na nawalan na Ako ng pag-asa sa inyo, lalong hindi na ayaw Kong iligtas kayo. Naparito Ako ngayon upang gawin ang gawain ng pagliligtas sa inyo, na ang ibig sabihin ay ang gawain na Aking ginagawa ay isang pagpapatuloy ng gawain ng pagliligtas. Ang bawat tao ay may pagkakataon upang magawang perpekto: Basta’t ikaw ay handa, basta’t patuloy kang magsisikap, sa huli ay magagawa mong makamit ang resultang ito, at walang sinuman sa inyo ang mapapabayaan” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagpapanumbalik ng Normal na Buhay ng Tao at Pagdadala sa Kanya sa Isang Kamangha-manghang Hantungan). Napakalinaw ng mga salita ng Diyos. Kahit na sinasabi ng Diyos na may mahinang kakayahan ang mga tao, at ibinubunyag na sila ay naguguluhan, ito’y para lang makita nila ang mga sarili nilang problema at malaman ang mga sarili nilang pagkukulang, nang sa gano’n ay maaari nilang hanapin ang katotohanan nang maayos at magkaroon ng pagbabago sa kanilang disposisyon sa buhay, at lumago sa buhay. Maaaring mahina ang ating kakayahan, pero hangga’t minamahal at hinahanap natin ang katotohanan, at nagsusumukap tayong maibigay ang mga hinihingi ng Diyos, bibigyang-liwanag at gagabayan tayo ng Diyos. Pero kung mahusay ang ating kakayahan, ngunit hindi natin hinahanap ang katotohanan, ibubunyag tayo at palalayasin. Totoong mahina ang kakayahan ko, pero hindi kailanman sinabi ng Diyos na hindi Niya ako ililigtas o na palalayasin Niya ako dahil dito. Binigyan Niya pa rin ako ng mga pagkakataon para gawin ang tungkulin ko. Dapat kong pahalagahan ang mga ito, hanapin ang katotohanan, maging aktibo sa pag-usad, bumawi sa aking mga pagkukulang at pagbutihin ang aking kakayahan.
Pagkatapos noon, kapag may nangyayari, pinagtutuunan ko ang paghahanap sa katotohanan, at anuman ang mga sitwasyon, pagwawasto at pagpupungos man ito o mga dagok at kabiguan, pinagtutuunan ko ang pagninilay-nilay sa sarili, at hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo. Nang makaranas ako sa ganitong paraan, naramdaman ko ang presensiya ng Diyos nang hindi ko namamalayan, at naramdaman ko na mas malinaw na ang pag-iisip ko. Kapag nagtatalakay ang aking mga kapatid ng mga ideya para sa mga video, hindi na ako nagpipigil. Minsan, mali ang mga sinasabi kong pananaw, o nagbibigay ng mga mungkahi ang aking mga kapatid, pero kaya ko na itong harapin nang tama at mas mahinahon na ako tungkol dito. Noong panahong iyon, pakiramdam ko’y sobrang lapit ko sa Diyos. Pakiramdam ko, nasa tabi ko ang Diyos, binibigyan ako ng kumpyansa at lakas. Kahit na maraming pagsubok sa aking tungkulin, sa paghahanap sa kalooban ng Diyos sa pamamagitan ng pagdarasal, pag-asa sa Diyos, at pakikipagtulungan sa aking mga kapatid, sa wakas, ang ilang problema ay nalutas na, at bumuti rin ang pagiging epektibo ko sa aking tungkulin. Nagpapasalamat ako sa Diyos mula sa kaibuturan ng puso ko sa pagliligtas Niya sa akin.
Noong binalikan ko nung mali pa ang pagkaunawa ko at napawalay ako sa Diyos, nakaramdam ako ng matinding pagsisisi. Kalaunan, nakabasa ako ng isa pang sipi ng mga salita ng Diyos, at sobra akong naantig. Sabi ng mga salita ng Diyos: “Ayaw Kong makita ang sinuman na nagdaramdam na tila ba iniwan silang nag-iisa ng Diyos, na pinabayaan sila ng Diyos o tinalikuran Niya sila. Nais Ko lamang makita na lahat ay nasa daan upang hanapin ang katotohanan at naghahangad na maunawaan ang Diyos, matapang na nagpapatuloy sa paglalakad na may matibay na kalooban, na walang mga pangamba, walang dinadalang mga pasanin. Maging anumang mga kamalian ang nagawa mo, gaano man kalayo kang naligaw o gaano ka man lumabag, huwag hayaan ang mga ito na maging mga pasanin o dagdag na pabigat na dadalhin mo sa iyong paghahangad na maunawaan ang Diyos: Ipagpatuloy mo ang paglalakad nang pasulong. Sa lahat ng panahon, hawak ng Diyos ang kaligtasan ng tao sa Kanyang puso; hindi ito kailanman nagbabago: Ito ang pinakamahalagang bahagi ng diwa ng Diyos” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI). Sa mga taon ko ng pananalig sa Diyos, sinabi ko na mahal ng Diyos ang tao, pero wala talaga akong tunay na kaalaman tungkol sa pagmamahal ng Diyos. Binigyan ako ng karanasang ito ng kaunting tunay na pagkaunawa at pagkaramdam ng pagmamahal ng Diyos. Kahit na matigas at rebelde ang puso ko, nagsaayos ang Diyos ng mga kapaligiran para maranasan ko. Hinintay Niya akong magbago, ginising Niya ako gamit ang Kanyang mga salita, at ginabayan ako palabas sa negatibo kong kalagayan at maling pagkaunawa. Ang pagnanais ng Diyos na iligtas ang tao ay napakataos-puso at napakaganda! Sobra akong nagpapasalamat sa Diyos, at wala na akong ibang gusto pa kundi ang hanapin nang maayos ang katotohanan, gawin nang maayos ang aking tungkulin, at suklian ang pagmamahal ng Diyos.