Kabanata 56
Nakapagsimula na Akong kumilos para parusahan yaong mga gumagawa ng masama, at yaong mga gumagamit ng kapangyarihan at umuusig sa mga anak ng Diyos. Mula ngayon, ang lupit ng Aking mga atas administratibo ay laging mapapasa mga kumokontra sa Akin sa kanilang puso. Alamin ito! Ito ang simula ng Aking paghatol, at walang awang ipapakita kaninuman, ni walang sinumang paliligtasin, sapagkat Ako ang Diyos na walang kinikilingan na nagsasagawa ng katuwiran, at makakabuting tanggapin ninyong lahat ito.
Hindi sa nais Kong parusahan yaong mga gumagawa ng masama; sa halip, ito ay ganting hatid nila sa kanilang sarili dahil sa sarili nilang kasamaan. Hindi Ako mabilis magparusa kaninuman, ni hindi Ko tinrato ang sinuman nang hindi makatarungan—matuwid Ako sa lahat. Talagang mahal Ko ang Aking mga anak, at talagang kinamumuhian Ko yaong masasama na sumusuway sa Akin; ito ang prinsipyo sa likod ng Aking mga kilos. Bawat isa sa inyo ay dapat magkaroon ng kabatiran sa Aking mga atas administratibo; kung hindi, hindi kayo magkakaroon ng kahit katiting na pangamba, at kikilos kayo nang walang-ingat sa Aking harapan. Hindi rin ninyo malalaman kung ano ang nais Kong makamit, kung ano ang nais Kong maisakatuparan, kung ano ang nais Kong matamo, o kung anong klaseng tao ang kailangan ng Aking kaharian.
Ang Aking mga atas administratibo ay:
1. Sino ka man, kung kinokontra mo Ako sa puso mo, hahatulan ka.
2. Didisiplinahin kaagad yaong mga taong Aking nahirang sa anumang maling naisip nila.
3. Ilalagay Ko sa isang tabi yaong mga hindi naniniwala sa Akin. Hahayaan Ko silang magsalita at kumilos nang walang-ingat hanggang sa kahuli-hulihan, kung kailan lubusan Ko silang parurusahan at aayusin.
4. Pangangalagaan at poprotektahan Ko yaong mga naniniwala sa Akin sa lahat ng oras. Sa lahat ng oras ay pagkakalooban Ko sila ng buhay sa pamamagitan ng pagliligtas. Mamahalin Ko ang mga taong ito at siguradong hindi sila mahuhulog o maliligaw ng landas. Anumang kahinaan nila ay magiging pansamantala, at tiyak na hindi Ko aalalahanin ang kanilang mga kahinaan.
5. Yaong mga tila naniniwala, ngunit hindi naman talaga—na naniniwala na mayroong isang Diyos ngunit hindi hinahanap ang Cristo, subalit hindi rin naman lumalaban—sila ang pinakakaawa-awang mga tao, at sa pamamagitan ng Aking mga gawa, hahayaan Kong makakita sila nang malinaw. Sa pamamagitan ng Aking mga kilos, ililigtas Ko ang gayong mga tao at ibabalik sila.
6. Ang mga panganay na anak, ang unang tumanggap sa Aking pangalan, ay pagpapalain! Tiyak na ipagkakaloob Ko ang pinakamagagandang pagpapala sa inyo, tutulutan kayong matamasa ang mga ito hangga’t gusto ninyo; walang sinumang mangangahas na hadlangan ito. Lahat ng ito ay inihahanda nang buong-buo para sa inyo, dahil ito ang Aking atas administratibo.
Dapat ninyong makita, sa lahat ng aspeto, ang lahat ng kilos ng Aking kamay at lahat ng ideya sa Aking puso. Hindi ba para sa inyo ang lahat? Sino sa inyo ang para sa Akin? Nasiyasat na ba ninyo ang mga ideya sa inyong puso o ang mga salitang sinasambit ninyo? Napag-isipan na ba ninyo nang husto ang mga bagay na ito? Hangal! Talipandas! Hindi mo tinatanggap ang mga pagpigil ng Banal na Espiritu! Paulit-ulit Ko nang ipinarating ang Aking tinig sa iyong kalooban, subalit wala ka man lang reaksyon. Huwag ka nang magpakabobo! Ang tungkulin mo ay unawain ang Aking kalooban; bukod dito, ito ang landas na dapat mong tahakin. Nalilito ka, wala kang kabatiran, at hindi mo nakikita nang malinaw ang nais Kong maisakatuparan sa iyo o matamo mula sa iyo! Upang maunawaan ang Aking kalooban, kailangan mong magsimula sa paglapit sa Akin at higit na pakikipag-usap sa Akin. Palagi mong sinasabi na hindi mo nauunawaan ang Aking kalooban. Kung puno ka na ng sarili mong mga bagay, paano kita magagawaan? Hindi ka nagkukusang lumapit sa Aking harapan, kundi naghihintay ka lang at balintiyak. Sinasabi Ko na para kang isang uod, subalit minamasama mo ito at ayaw mo itong tanggapin. Sa pagkakataong ito dapat kang bumangon at makipagtulungan sa Akin! Huwag kang balintiyak! Makakapigil iyan sa buhay mo. Ang pagiging aktibo ay magdadala ng mga pakinabang sa iyo, hindi sa iba. Hindi mo pa rin ba napapansin at nauunawaan ito? Palaging ibinubunyag ang Aking kalooban sa iyo. Hindi mo pa ba nahihiwatigan ito? Bakit hindi mo nabigyang-pansin ito kailanman? Bakit hindi mo nagawang unawain ang Aking kalooban kailanman? Talaga bang walang ihahatid na pakinabang sa iyo ang pag-unawa sa Aking kalooban?
Nais Kong magpakita ka ng konsiderasyon sa Aking kalooban sa lahat ng aspeto para sa pamamagitan mo ay makasulong Ako at magkaroon ng tahanang mapagpapahingahan. Huwag mo na Akong hadlangan—napakalupit niyan! Wala kang pagkaunawa sa Aking mga salita, at hindi ka tumutugon sa mga ito. Tingnan mo kung anong oras na ngayon; hindi na maaaring maghintay pa! Kung hindi mo susundang maigi ang Aking mga yapak, magiging huli na ang lahat, at lalong wala nang anumang paraan para matubos mo ito!