Ikatlong Ekskorsus: Kung Paano Nakinig sina Noe at Abraham sa mga Salita ng Diyos at Nagpasakop sa Kanya (Ikalawang Bahagi)

Sa huling pagtitipon, nagbahaginan tayo sa ikasampung aytem ng iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo, “Kinamumuhian nila ang katotohanan, hayagang nilalabag ang mga prinsipyo, at binabalewala ang mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos.” Anong mga detalye ang partikular nating pinagbahaginan? (Pangunahing nakipagbahaginan ang Diyos sa kung paano harapin ang salita ng Diyos.) May kaugnayan ba ito sa ikasampung aytem? (Oo. Dahil, sa aytem na “Kinamumuhian nila ang katotohanan, hayagang nilalabag ang mga prinsipyo, at binabalewala ang mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos,” ang isa sa mga pag-uugali ng mga anticristo ay nakikinig lang sila sa kung anong sinasabi ni Cristo, pero hindi sila sumusunod o nagpapasakop dito. Hindi nila sinusunod ang mga salita ng Diyos, at hindi rin nila isinasagawa ayon sa mga salita ng Diyos. Sa huling pagtitipon, nakipagbahaginan ang Diyos sa kung paano harapin ang salita ng Diyos, paano sumunod sa salita ng Diyos, at paano isakatuparan at ipatupad ang salita ng Diyos.) Nauunawaan ang lahat ng ito, tama ba? Sa nauna nating pagtitipon, isinalaysay Ko ang dalawang kuwento: Ang isa ay ang kuwento ni Noe, at ang isa ay ang kuwento ni Abraham. Dalawang klasikong kuwento ang mga ito mula sa Biblia. Maraming tao ang nakakaalam at nakakaunawa sa mga kuwentong ito, ngunit matapos maunawaan ang mga ito, iilang tao lamang ang nakakaalam kung paano haharapin ang mga salita at hinihingi ng Diyos. Ano ang pangunahing layunin ng ating pagbabahagian tungkol sa dalawang kuwentong ito? Ito ay upang ipaalam sa mga tao, bilang tao at bilang nilikha, kung paano nila dapat harapin ang mga salita at hinihingi ng Diyos—at alamin ang posisyong dapat kunin ng isang nilikha, at ang saloobing dapat nilang taglayin, kapag naharap sa mga hinihingi ng Diyos, at kapag nakikinig sa mga salita ng Diyos. Ang mga ito ay mga pangunahing bagay. Ito ang katotohanang nilalayon na malaman at maunawaan ng mga tao nang magbahagian tayo tungkol sa dalawang kuwentong ito noong huling pagkakataon. Kaya, matapos tayong magbahagian tungkol sa dalawang kuwentong ito, malinaw na ba sa inyo kung paano magpasakop kay Cristo at sumunod sa Kanyang mga salita, kung ano ang saloobing dapat taglayin ng mga tao, at kung ano ang dapat nilang maging pananaw at posisyon, kay Cristo, at sa mga salitang sinambit ni Cristo, gayundin kung paano dapat unawain ng mga tao ang mga salita at hinihingi ng Diyos, at kung anong mga katotohanan ang dapat maunawaan sa loob nito? (Ang una ay ang pagiging tapat kay Cristo, ang pangalawa ay ang pagkatutong igalang si Cristo, at ang pangatlo ay ang pagsunod sa mga salita Niya, pakikinig sa mga salita ng Diyos nang ating buong puso.) Naaalala ninyo ang mga panuntunan. Kung hindi Ko nabanggit ang mga panuntunang ito, magagawa kaya ninyong makuha ang diwa ng mga ito mula sa dalawang kuwentong isinalaysay Ko? (Ang tanging bagay na pwede nating maging kongklusyon ay na dapat nating sundin ang anumang sinasabi ng Diyos.) Lahat ng diwa na nagagawa ninyong maunawaan ay simple, dogmatiko, at teoretikal na mga paraan ng pagkilos; wala pa rin kayong kakayahang unawain o alamin ang mga katotohanan sa loob nito na dapat hanapin at unawain ng mga tao. Kaya magbahagian tayo, nang detalyado, tungkol sa mga kuwento nina Noe at Abraham.

I. Ang Saloobin ni Noe sa mga Salita ng Diyos

Pag-usapan muna natin ang kuwento ni Noe. Noong huling pagtitipon, panglakahatan nating sinaklaw ang mga dahilan at kinalabasan ng kuwento ni Noe. Bakit hindi tayo naging mas partikular? Dahil karamihan sa mga tao ay alam na ang mga dahilan, kinalabasan, at partikular na mga detalye ng kuwentong ito. Kung may anumang mga detalyeng hindi pa gaanong malinaw sa inyo, maaari ninyong matagpuan ang mga iyon sa Biblia. Ang pinagbabahagian natin ay hindi ang mga partikular na detalye ng kuwentong ito, kundi kung paano tinrato ni Noe, ang bida sa kuwento, ang mga salita ng Diyos, kung anong mga aspeto ng katotohanan ang dapat maunawaan ng mga tao mula rito, at kung ano ang naging saloobin ng Diyos, ano ang inisip Niya, at ano ang pagsusuri Niya kay Noe matapos Niyang makita ang bawat kilos na ginawa ni Noe. Ang mga detalyeng ito ang dapat nating pagbahagian. Ang saloobin ng Diyos kay Noe at ang pagsusuri Niya sa ginawa ni Noe ay sapat na para sabihin sa atin kung ano talaga ang mga pamantayang hinihingi ng Diyos sa sangkatauhan, sa mga sumusunod sa Kanya, sa mga inililigtas Niya. May katotohanan bang mahahanap dito? Kung saan may katotohanang mahahanap, nararapat iyong suriing mabuti, pagnilayan, at pagbahaginan nang detalyado. Hindi natin pag-uusapan ang partikular na mga detalye ng kuwento ni Noe. Ang pagbabahagian natin ngayon ay ang katotohanang hahanapin sa iba’t ibang saloobin ni Noe sa Diyos, gayundin ang mga hinihingi at mga layunin ng Diyos na dapat maunawaan ng mga tao mula sa pagsusuri ng Diyos kay Noe.

Si Noe ay isang ordinaryong miyembro ng sangkatauhan na sumamba at sumunod sa Diyos. Nang dumating sa kanya ang mga salita ng Diyos, ang kanyang saloobin ay hindi ang kumilos nang mabagal, mag-antala, o magmadali. Sa halip, nakinig siya sa mga salita ng Diyos nang may matinding kaseryosohan, nakinig siya sa bawat pagbigkas ng Diyos nang may labis na malasakit at pansin, na masigasig na nakikinig at sinisikap na tandaan ang lahat ng iniutos sa kanya ng Diyos, na hindi nangangahas na mawala sa pokus kahit kaunti. Sa kanyang saloobin sa Diyos, at sa mga salita ng Diyos, ay naroon ang isang may-takot-sa-Diyos na puso, na nagpakita na may puwang ang Diyos sa kanyang puso, at na mapagpasakop siya sa Diyos. Nakinig siya nang mabuti sa sinabi ng Diyos, sa nilalaman ng mga salita ng Diyos, sa hiningi ng Diyos na gawin niya. Nakinig siyang mabuti—nang hindi nanunuri, kundi tumatanggap. Walang pagtanggi, pagkainis, o pagkainip sa kanyang puso; sa halip, tinandaan niya nang mahinahon, maingat, at mabuti, sa kanyang puso, ang bawat salita at bagay na tumutukoy sa mga hinihingi ng Diyos. Matapos ibigay sa kanya ng Diyos ang bawat tagubilin, itinala ni Noe, nang detalyado at sa sarili niyang kaparaanan, ang lahat ng nasabi at naipagkatiwala sa kanya ng Diyos. Pagkatapos ay isinantabi niya ang kanyang sariling mga gawain, humiwalay sa pang-araw-araw na mga gawain at plano ng kanyang katandaan, at nagsimulang maghanda para sa lahat ng naipagkatiwala sa kanya ng Diyos na gawin, at lahat ng panustos na kinailangan para sa arko na ipinagawa sa kanya ng Diyos. Hindi siya nangahas na kaligtaan ang alinman sa mga salita ng Diyos, o alinman sa hiningi ng Diyos, o anumang detalye ng hiningi sa kanya sa mga salita ng Diyos. Sa sarili niyang kaparaanan, itinala niya ang mga pangunahing punto at detalye ng lahat ng hiningi at ipinagkatiwala ng Diyos sa kanya, pagkatapos ay pinagmuni-munihan at pinagnilay-nilayan niya ang mga iyon, nang paulit-ulit. Sumunod, naghanap si Noe ng lahat ng materyales na ipinahanda sa kanya ng Diyos. Natural, pagkatapos ng bawat tagubiling ibinigay sa kanya ng Diyos, gumawa siya, sa sarili niyang paraan, ng detalyadong mga plano at pagsasaayos para sa lahat ng ipinagkatiwala at tinagubilin sa kanya ng Diyos na gawin—at pagkatapos, sa paisa-isang hakbang, isinakatuparan at isinagawa niya ang kanyang mga plano at pagsasaayos, at bawat detalye at indibiduwal na hakbang ng hiningi ng Diyos. Sa buong proseso, lahat ng ginawa ni Noe, malaki man o maliit, kapansin-pansin man o hindi sa mga mata ng tao, ay siyang ipinagawa sa kanya ng Diyos, at ang sinabi at hiningi ng Diyos. Mula sa lahat ng nakita kay Noe matapos niyang tanggapin ang atas ng Diyos, maliwanag na ang kanyang saloobin sa mga salita ng Diyos ay hindi ang makinig, at wala nang iba—lalo nang hindi iyon gayon ang nangyari na matapos marinig ang mga salitang ito, pumili si Noe ng isang panahon kung kailan maganda ang pakiramdam niya, kung kailan tama ang sitwasyon, o kung kailan maganda ang tiyempo para isakatuparan ito. Sa halip, isinantabi niya ang kanyang sariling mga trabaho, humiwalay sa kanyang pang-araw-araw na mga gawain sa buhay, at ginawa ang arko na iniutos ng Diyos na pinakamalaking prayoridad sa kanyang buhay at pag-iral mula noon at ipinatupad niya ito nang naaayon. Ang kanyang saloobin sa atas ng Diyos at sa mga salita ng Diyos ay hindi walang pakialam, walang interes, o pabagu-bago, lalong hindi ito isang pagtanggi; sa halip, pinakinggan niya nang mabuti ang mga salita ng Diyos, at taos-pusong tinandaan at pinagnilayan ang mga iyon. Ang kanyang saloobin sa mga salita ng Diyos ay isang pagtanggap at pagpapasakop. Para sa Diyos, ito lamang ang saloobing dapat taglayin ng isang nilikha sa Kanyang mga salita na ninanais Niya. Walang pagtanggi, walang pagpapabasta-basta, walang naninikis sa saloobing ito, ni wala itong halong hangarin ng tao; ito ay buong-buo at ganap na saloobing dapat taglayin ng isang nilikhang tao.

Matapos tanggapin ang atas ng Diyos, sinimulang planuhin ni Noe kung paano bubuuin ang arkang ipinagkatiwala sa kanya ng Diyos. Hinanap niya ang iba’t ibang materyales, at ang mga tao at kasangkapang kailangan sa pagbubuo ng arka. Natural na kinapalooban ito ng maraming bagay; hindi ito naging madali at simple na tulad ng ipinahiwatig sa teksto. Sa kapanahunang iyon na wala pang industriya, isang kapanahunan na lahat ay ginawa nang manu-mano, sa pamamagitan ng pisikal na trabaho, hindi mahirap isipin kung gaano kahirap bumuo ng gayong arka, ng gayong higante, na kumpletuhin ang gampanin ng pagbubuo ng arka gaya ng ipinagkatiwala ng Diyos. Siyempre pa, kung paano nagplano, naghanda, nagdisenyo, at naghanap ng iba’t ibang bagay si Noe gaya ng mga materyales at kasangkapan ay hindi mga simpleng usapin, at maaaring hindi pa nakakita si Noe ng gayon kalaking arka. Matapos tanggapin ang atas na ito, kung uunawaing mabuti ang mga salita ng Diyos, at batay sa lahat ng sinabi ng Diyos, nalaman ni Noe na hindi ito simpleng bagay, hindi ito madaling gawin. Hindi simple o madaling gampanin ito—ano ang mga implikasyon nito? Sa isang banda, nangahulugan ito na, matapos tanggapin ang atas na ito, magkakaroon ng mabigat na pasanin si Noe sa kanyang mga balikat. Bukod pa riyan, batay sa kung paano personal na tinawag ng Diyos si Noe at personal siyang tinagubilinan kung paano bubuuin ang arka, hindi ito ordinaryong bagay, hindi ito maliit na bagay. Batay sa mga detalye ng lahat ng sinabi ng Diyos, hindi ito isang bagay na matitiis ng sinumang ordinaryong tao. Ang katunayan na tinawag ng Diyos si Noe at inatasan siyang bumuo ng arka ay nagpapakita sa kahalagahan ni Noe sa puso ng Diyos. Pagdating sa usaping ito, siyempre, nagawang maunawaan ni Noe ang ilan sa mga layunin ng Diyos—at dahil nagawa niya iyon, natanto ni Noe ang uri ng buhay na kanyang kakaharapin sa darating na mga taon, at batid niya ang ilan sa mga paghihirap na daranasin niya. Bagama’t natanto at naunawaan ni Noe ang malaking hirap sa ipinagkatiwala sa kanya ng Diyos, at kung gaano katindi ang mga pagsubok na kakaharapin niya, hindi niya binalak na tumanggi, kundi sa halip ay labis siyang nagpasalamat sa Diyos na si Jehova. Bakit nagpasalamat si Noe? Dahil hindi niya inasahan na ipagkakatiwala sa kanya ng Diyos ang isang bagay na napakahalaga, at personal na sinabi at ipinaliwanag sa kanya ang lahat ng detalye. Ang mas mahalaga pa, sinabi rin ng Diyos kay Noe ang buong kuwento, mula simula hanggang wakas, kung bakit kailangang buuin ang arka. May kinalaman ito sa sariling plano ng pamamahala ng Diyos, ito ay sariling gawain ng Diyos, pero sinabi sa kanya ng Diyos ang tungkol sa bagay na ito, kaya nadama ni Noe ang kahalagahan nito. Sa kabuuan, batay sa iba’t ibang palatandaang ito, batay sa tono ng pananalita ng Diyos, at sa iba’t ibang aspeto ng ipinabatid ng Diyos kay Noe, nadama ni Noe ang kahalagahan ng gampanin ng pagbubuo ng arka na ipinagkatiwala sa kanya ng Diyos, napahalagahan niya ito sa kanyang puso, at hindi siya nangahas na balewalain ito, ni hindi siya nangahas na kalimutan ang anumang detalye. Samakatwid, nang matapos na ang Diyos sa pagbibigay ng Kanyang mga tagubilin, binuo ni Noe ang kanyang plano, at nagtrabaho na siya at ginawa niya ang lahat ng pagsasaayos para sa pagbubuo ng arka, naghanap ng mga gagawa, naghanda ng lahat ng uri ng materyales, at, alinsunod sa mga salita ng Diyos, unti-unti siyang nagtipon ng iba’t ibang uri ng mga buhay na nilalang sa arka.

Ang buong proseso ng pagbubuo ng arka ay puno ng hirap. Sa sandaling ito, isantabi natin kung paano nalagpasan ni Noe ang hampas ng hangin, init ng araw, at lakas ng ulan, ang nakakapasong init at matinding ginaw, at ang pagpapalit-palit ng apat na panahon, taun-taon. Pag-usapan muna natin kung gaano kalaking trabaho ang magbuo ng arka, at ang kanyang paghahanda ng iba’t ibang materyales, at ang napakaraming hirap na nakaharap niya habang binubuo ang arka. Ano ang kabilang sa mga hirap na ito? Salungat sa mga pagkaunawa ng mga tao, hindi palaging nagiging maayos ang ilang pisikal na gawain sa unang pagkakataon, at kinailangan Niyang pagdaanan ang maraming kabiguan. Kapag nakatapos ng isang bagay, kung mukhang mali ito, binabaklas niya ito, at pagkatapos itong baklasin, kinailangan niyang maghanda ng mga materyales, at magsimula muli mula sa umpisa. Hindi ito katulad ng sa modernong panahon, kung saan ginagawa ng lahat ng tao ang lahat ng bagay gamit ang kagamitang elektroniko, at kapag naihanda na ito ay isinasagawa na ang trabaho ayon sa isang nakatakdang programa. Kapag isinasagawa ang gayong gawain ngayon, ginagamitan na ito ng makina, at kapag pinaandar mo na ang makina, magagawa na nito ang gawain. Pero namuhay si Noe sa panahon ng primitibong lipunan, at lahat ng gawain ay gawang-kamay at kailangan mong gawin ang lahat ng gawain gamit ang dalawa mong kamay, gamit ang mga mata at isip mo, at ang sarili mong kasigasigan at lakas. Siyempre pa, higit sa lahat, kinailangan ng mga tao na umasa sa Diyos; kinailangan nilang hanapin ang Diyos sa lahat ng dako at sa lahat ng oras. Sa proseso ng pagharap sa lahat ng klase ng suliranin, at sa mga araw at gabi sa pagbubuo ng arka, kinailangang harapin ni Noe hindi lamang ang iba’t ibang sitwasyong nangyari habang kinukumpleto ang napakalaking trabahong ito, kundi pati na ang iba’t ibang sitwasyon sa kanyang paligid, gayundin ang pagtawanan, siraan, at laitin ng iba. Bagama’t hindi natin personal na naranasan ang mga tagpong iyon nang mangyari ang mga iyon, hindi ba’t posibleng isipin ang ilan sa iba’t ibang suliranin na nakaharap at naranasan at ang iba’t ibang hamong kinaharap ni Noe? Habang binubuo ang arka, ang unang nakaharap ni Noe ay ang kawalan ng pag-unawa ng kanyang pamilya, ang kanilang pangungulit, mga reklamo, at maging ang kanilang pang-aalipusta. Pumapangalawa rito ang sinisiraan, nilalait, at hinuhusgahan siya ng mga nakapaligid sa kanya—sa kanyang mga kamag-anak, sa kanyang mga kaibigan, at sa lahat ng klase ng ibang tao. Ngunit iisa lamang ang naging saloobin ni Noe, ang sumunod sa mga salita ng Diyos, at ipatupad ang mga iyon hanggang sa kahuli-hulihan, at hinding-hindi magbabago ang damdamin ang dito. Ano ang napagpasyahan ni Noe? “Hangga’t buhay ako, hangga’t nakakagalaw pa ako, hindi ko tatalikuran ang atas ng Diyos.” Ito ang nagganyak sa kanya nang isagawa niya ang malaking trabaho na buuin ang arka, gayundin ang kanyang saloobin nang ilahad sa kanya ang mga utos ng Diyos, at matapos marinig ang mga salita ng Diyos. Nahaharap sa lahat ng uri ng problema, mahihirap na sitwasyon, at mga hamon, hindi umurong si Noe. Nang madalas na nabigo at nasira ang ilan sa kanyang mas mahihirap na gawaing pang-inhinyero, kahit nahihirapan ang kalooban ni Noe at at nababalisa siya sa kanyang puso, nang maisip niya ang mga salita ng Diyos, nang maalala niya ang bawat salitang iniutos sa kanya ng Diyos, at ang pagtataas sa kanya ng Diyos, madalas siyang nakadama na labis siyang nagaganyak: “Hindi ako pwedeng sumuko, hindi ko maaaring iwaksi ang iniutos at ipinagkatiwala ng Diyos na gawin ko; atas ito ng Diyos, at dahil tinanggap ko ito, dahil narinig ko ang mga salitang sinambit ng Diyos at ang tinig ng Diyos, at dahil tinanggap ko ito mula sa Diyos, dapat akong ganap na magpasakop, na siyang dapat gawin ng isang tao.” Kaya, anumang uri ng mga hirap ang nakaharap niya, anumang uri ng pangungutya o paninira ang naranasan niya, gaano man kapagod ang kanyang katawan, gaano man kapagal, hindi niya tinalikuran ang ipinagkatiwala sa kanya ng Diyos, at patuloy niyang isinaisip ang bawat isang salita na sinabi at iniutos ng Diyos. Paano man nagbago ang kanyang mga kapaligiran, gaano man kalaking hirap ang kanyang nakaharap, nagtiwala siya na walang anuman dito ang magpapatuloy magpakailanman, na ang mga salita lamang ng Diyos ang hinding-hindi lilipas, at iyon lamang iniutos ng Diyos na gawin ang siguradong maisasakatuparan. May tunay na pananampalataya si Noe sa Diyos, at pagpapasakop na nararapat niyang taglayin, at patuloy niyang binuo ang arka na hiningi ng Diyos na buuin niya. Araw-araw, taun-taon, tumanda si Noe, ngunit hindi nabawasan ang kanyang pananampalataya, at hindi nagbago ang kanyang saloobin at determinasyon na kumpletuhin ang atas ng Diyos. Bagama’t may mga pagkakataon na pagod at pagal na ang kanyang katawan, at nagkasakit siya, at sa kanyang puso ay mahina siya, hindi nabawasan ang kanyang determinasyon at tiyaga na tapusin ang atas ng Diyos at magpasakop sa mga salita ng Diyos. Sa mga taon na binuo ni Noe ang arka, nagsasagawa si Noe ng pakikinig at pagpapasakop sa mga salitang sinabi ng Diyos, at isinagawa rin niya ang isang mahalagang katotohanan ng isang nilikha at ang pangangailangan ng isang ordinaryong tao na makumpleto ang atas ng Diyos. Sa lahat ng makikita, ang buong proseso ay talagang iisang bagay lamang: pagbubuo ng arka, pagsasagawa ng sinabi ng Diyos sa kanya na gawin nang maayos at nang kumpleto. Ngunit ano ang kinailangan para magawa nang maayos ang bagay na ito, at matagumpay itong makumpleto? Hindi nito kinailangan ang kasigasigan ng mga tao, o ang kanilang mga kasabihan, lalo ang ilang sumpang sinabi nang dahil sa panandaliang emosyon, ni ang tinatawag na paghanga ng mga tao sa Lumikha. Hindi nito kinailangan ang mga bagay na ito. Sa harap ng pagbubuo ni Noe sa arka, ang tinatawag na paghanga ng mga tao, ang kanilang mga sumpa, ang kanilang kasigasigan, at ang kanilang pananampalataya sa Diyos sa espirituwal nilang mundo, walang silbi ang lahat ng ito; sa harap ng tunay na pananampalataya at tunay na pagpapasakop ni Noe, tila napakadukha, kaawa-awa ng mga tao, at tila labis na hungkag, maputla, walang buhay at mahina ang ilang doktrinang nauunawaan nila—bukod pa sa nakakahiya, kasuklam-suklam at imoral.

Inabot ng 120 taon ang pagbubuo ni Noe sa arka. Ang 120 taon ay hindi 120 araw, o 10 taon, o 20 taon, kundi mas mahaba ng maraming dekada kaysa sa karaniwang haba ng buhay ng mga tao ngayon. Dahil sa haba ng panahon, at sa hirap ng pagkumpleto nito, at ang bigat ng sangkot na pag-iinhinyero, kung walang tunay na pananampalataya si Noe, kung ang kanyang pananampalataya ay nasa isip lamang, nakatutok sa mga pag-asa, kasigasigan, o isang uri ng malabo at mahirap na unawaing paniniwala, nakumpleto kaya ang arka? Kung ang kanyang pagpapasakop sa Diyos ay isang pangako na sa salita lamang, kung isa lamang itong tala na isinulat, tulad ng ginagawa ninyo ngayon, nabuo kaya ang arka? (Hindi.) Kung ang kanyang pagpapasakop na tanggapin ang atas ng Diyos ay wala nang iba kundi kalooban at determinasyon lamang, isang kahilingan, nabuo kaya ang arka? Kung ang pagpapasakop ni Noe sa Diyos ay paggawa lamang ng mga pormalidad ng pagtalikod, paggugol, at pagbabayad-halaga, o paggawa lang ng dagdag pang trabaho, pagbabayad ng mas malaking halaga, at pagiging tapat sa Diyos sa teorya, o sa usapin ng mga kasabihan, nabuo kaya ang arka? (Hindi.) Napakahirap siguro nito! Kung ang saloobin ni Noe sa pagtanggap sa atas ng Diyos ay isang uri ng transaksyon, kung tinanggap lang ito ni Noe para mapagpala at magantimpalaan siya, nabuo kaya ang arka? Talagang hindi! Maaaring magtagal ang kasigasigan ng isang tao sa loob ng 10 o 20 taon, o 50 o 60, ngunit kapag malapit na silang mamatay, nakikita na wala silang napala, mawawalan sila ng pananampalataya sa Diyos. Ang kasigasigang ito nananaig sa loob ng 20, 50, o 80 taon ay hindi naging pagpapasakop o tunay na pananalig. Kalunos-lunos ito. Samantala, ang tunay na pananalig at tunay na pagpapasakop na natagpuan kay Noe ay siya mismong wala sa mga tao ngayon, at mismong mga bagay na hindi nakikita ng mga tao ngayon, at na hinahamak, kinukutya, o minamaliit pa nga. Ang pagsasalaysay sa kuwento ng pagbubuo ng arka ni Noe ay palaging nagdudulot ng pagbaha ng pagtatalo. Mapag-uusapan ito ng lahat, may masasabi ang lahat. Ngunit walang sinumang nag-iisip, o nagsisikap na unawain, kung ano ang natagpuan kay Noe, anong landas ng pagsasagawa ang taglay niya, anong uri ng saloobing gusto ng Diyos at pananaw sa mga utos ng Diyos ang kanyang taglay, anong karakter ang mayroon siya pagdating sa pakikinig at pagsasagawa ng mga salita ng Diyos. Kaya sinasabi Ko na ang mga tao sa ngayon ay hindi marapat na magsalaysay ng kuwento ni Noe, dahil kapag isinasalaysay ng sinuman ang kuwentong ito, tinatrato nila si Noe bilang isang alamat at wala nang iba, bilang isa pa ngang ordinaryong matandang lalaki na may puting balbas. Sa isip nila ay pinagdududahan nila kung talaga bang nagkaroon ng gayong tao, kung anong klaseng tao talaga siya, at hindi nila sinisikap na pahalagahan kung paano naipakita ni Noe ang mga pagpapamalas na iyon matapos niyang tanggapin ang atas ng Diyos. Ngayon, kapag muli nating pinag-uusapan ang kuwento tungkol sa pagbuo ng arka ni Noe, sa palagay ba ninyo ay malaki o maliit na pangyayari ito? Isa lamang ba itong ordinaryong kuwento tungkol sa isang matandang lalaking bumuo ng isang arka noong araw? (Hindi.) Sa lahat ng tao, si Noe ay isang taong may takot sa Diyos, nagpapasakop sa Diyos, at kinukumpleto ang atas ng Diyos na karapatdapat siyang tularan; sinang-ayunan siya ng Diyos, at dapat siyang maging isang huwaran para sa mga sumusunod sa Diyos ngayon. At ano ang pinakanatatangi tungkol sa kanya? Iisa lamang ang saloobin niya sa mga salita ng Diyos: ang makinig at tumanggap, tumanggap at magpasakop, at magpasakop hanggang kamatayan. Dahil sa saloobing ito, na pinakanatatangi sa lahat, ang siyang dahilan kaya nakamit niya ang pagsang-ayon ng Diyos. Pagdating sa mga salita ng Diyos, hindi siya pabasta-basta, hindi niya iniraos lang ang mga bagay-bagay, at hindi niya sinuri, inanalisa, nilabanan, o tinanggihan ang mga ito sa kanyang isipan at pagkatapos ay kinalimutan na; sa halip, nakinig siya nang taimtim, tinanggap ang mga ito, nang paunti-unti, nang buong puso, at pagkatapos ay pinagnilayan kung paano isasagawa ang mga ito, paano gagawin ang mga ito ayon sa orihinal na layon, nang hindi binabaluktot ang mga ito. At habang pinagninilayan niya ang mga salita ng Diyos, lihim niyang sinabi sa kanyang sarili, “Ito ang mga salita ng Diyos, ito ay mga tagubilin ng Diyos, atas ng Diyos, may tungkulin ako, kailangan kong magpasakop, hindi ko maaaring laktawan ang anumang mga detalye, hindi ako maaaring sumalungat sa mga hinihiling ng Diyos, ni maaari kong laktawan ang alinman sa mga detalye ng sinabi Niya, o kung hindi ay hindi ako angkop na tawaging tao, hindi ako magiging karapat-dapat sa atas ng Diyos, at hindi magiging karapat-dapat sa Kanyang pagdakila. Sa buhay na ito, kung mabibigo akong kumpletuhin ang lahat ng sinabi at ipinagkatiwala sa akin ng Diyos, kung gayon ay magkakaroon ako ng mga pagsisisi. Higit pa riyan, magiging hindi ako karapat-dapat sa atas ng Diyos at sa Kanyang pagdakila sa akin, at mawawalan ako ng mukha para bumalik sa harapan ng Lumikha.” Lahat ng naisip at napagbulayan ni Noe sa kanyang puso, bawat pananaw at saloobin niya, ang lahat ng ito ang tumukoy na nagawa niyang isagawa ang mga salita ng Diyos sa huli, at gawing realidad ang mga salita ng Diyos, isakatuparan ang mga salita ng Diyos, upang matupad at maisakatuparan ang mga iyon sa pamamagitan ng pagsisikap niya at maging isang realidad sa pamamagitan niya, at upang hindi mauwi sa wala ang atas ng Diyos. Makikita sa lahat ng inisip, sa lahat ng ideyang umusbong sa kanyang puso, at sa kanyang saloobin sa Diyos, na si Noe ay karapat-dapat sa atas ng Diyos, siya ay isang taong pinagkatiwalaan ng Diyos, at isang taong pinaboran ng Diyos. Minamasdan ng Diyos ang bawat salita at gawa ng mga tao, pinagmamasdan Niya ang kanilang mga iniisip at ideya. Sa paningin ng Diyos, ang makapag-isip si Noe na tulad nito, hindi Siya nagkamali ng pinili; Kinayang pasanin ni Noe ang atas ng Diyos at ang tiwala ng Diyos, karapat-dapat na tumanggap ng pagtitiwala ng Diyos, at nagawa niyang kumpletuhin ang atas ng Diyos: Siya lamang ang pinili sa buong sangkatauhan.

Sa mga mata ng Diyos, si Noe ang kaisa-isang pinili Niyang magsakatuparan ng gayon kabigat na trabaho ng pagbubuo ng arka. Ano ang natagpuan kay Noe? Dalawang bagay: tunay na pananalig at tunay na pagpapasakop. Sa puso ng Diyos, ito ang mga pamantayang hinihingi Niya sa mga tao. Simple, hindi ba? (Oo.) Taglay ng “kaisa-isang pinili” ang dalawang bagay na ito, mga bagay na napakasimple—subalit maliban kay Noe, hindi matatagpuan ang mga ito sa ibang tao. Sabi ng ilang tao, “Paano nangyari iyon? Tinalikuran namin ang mga pamilya at propesyon namin, tinalikuran namin ang trabaho, mga inaasam, at pag-aaral, inabandona namin ang mga pag-aari at mga anak namin. Tingnan ninyo kung gaano kalaki ang pananalig namin, kung gaano namin kamahal ang Diyos! Paano kami naging mas mababa kaysa kay Noe? Kung hihingin sa amin ng Diyos na bumuo ng arka—napakaunlad na ng makabagong industriya, hindi ba’t may mapagkukunan kami ng kahoy at maraming kagamitan? Kaya naming magtrabaho sa ilalim ng init ng araw kung gagamit kami ng mga makinarya; kaya rin naming magtrabaho mula bukang-liwayway hanggang takipsilim. Bakit masyadong pinalalaki ang usapin ng pagkumpleto sa isang maliit na trabahong katulad nito? Inabot si Noe ng 100 taon, pero gagawin namin iyon nang mas mabilis, aabutin lamang kami ng 10 taon. Sinabi Mo na si Noe ang kaisa-isang pinili, pero ngayon, maraming perpektong kandidato; ang mga taong katulad namin na tumalikod na sa kanilang mga pamilya at propesyon, na may tunay na pananalig sa Diyos, na tunay na ginugugol ang kanilang sarili—lahat sila ay mga perpektong kandidato. Paano Mo nasabi na si Noe ang tanging pinili? Napakaliit ng tingin Mo sa amin, ‘no?” May problema ba sa mga salitang ito? (Mayroon.) Sinasabi ng ilang tao, “Noong panahon ni Noe, napakaatrasado pa ng agham at teknolohiya, wala siyang kuryente, walang mga makabagong makina, ni wala man lamang ng pinakasimpleng mga electric drill at chainsaw, o maging mga pako. Paano niya nagawang mabuo ang arka? Mayroon na tayo ng lahat ng bagay na ito ngayon. Hindi ba magiging napakadali para sa atin na kumpletuhin ang atas na ito? Kung nagsalita sa atin ang Diyos mula sa langit at sinabi sa atin na bumuo ng arka, kalimutan mo na ang paggawa lamang ng iisa—madali nating mabubuo ang 10 ganoon. Balewala iyan, napakadaling gawin. Diyos, iutos Mo sa amin ang anumang nais Mo. Anuman ang kailangan Mo, sabihin Mo sa amin. Ni hindi magiging mahirap para sa napakarami sa amin na magbuo ng isang arka! Makakaya naming buuin ang 10, 20, kahit 100. Kahit gaano karami ang gusto Mo.” Gayon ba kasimple ang mga bagay-bagay? (Hindi.) Sa sandaling sabihin Ko na si Noe ang kaisa-isang pinili, gustong makipagtalo ng ilang tao sa Akin, hindi sila kumbinsido: “Maganda ang iniisip Mo tungkol sa mga sinauna dahil wala sila rito. Ang mga tao sa ngayon ay nasa harap Mo, ngunit hindi Mo nakikita kung ano ang napakabuti tungkol sa kanila. Bulag Ka sa lahat ng mabubuting bagay na nagawa ng mga tao sa ngayon, sa lahat ng kanilang mabuting gawa. Isang maliit na bagay lamang ang ginawa ni Noe; hindi ba dahil walang industriya noon, at mahirap ang lahat ng pisikal na trabaho, kaya iniisip Mo na ang ginawa niya ay nararapat gunitain, kaya iniisip Mo na siya ay isang halimbawa, isang huwaran, at bulag Ka sa pagdurusa ng mga tao sa kasalukuyan at sa halagang ibinabayad namin para sa Iyo, at sa aming pananampalataya ngayon?” Ganito ba ang sitwasyon? (Hindi.) Anumang kapanahunan o panahon, anumang uri ng mga kalagayan ng paligid na pinamumuhayan ng mga tao, balewala ang materyal na mga bagay na ito at ang pangkalahatang sitwasyon, hindi mahalaga ang mga ito. Ano ang mahalaga? Ang pinakamahalaga ay hindi ang kapanahunan kung kailan ka nabubuhay, o kung naging bihasa ka na sa anumang uri ng teknolohiya, ni kung ilan sa mga salita ng Diyos ang nabasa o narinig mo. Ang pinakamahalaga ay kung mayroon ba o walang tunay na pananalig ang mga tao, kung mayroon ba o wala silang tunay na pagpapasakop. Ang dalawang bagay na ito ang pinakamahalaga, at hindi maaaring mawala ang alinman dito. Kung napunta kayo sa panahon ni Noe, sino sa inyo ang makakakumpleto ng atas na ito? Lakas-loob Kong sinasabi na kahit sama-sama kayong gumawa, hindi ninyo ito maisasakatuparan. Hindi ninyo kakayaning gawin kahit ang kalahati nito. Bago pa maihanda ang lahat ng kagamitan, marami na sa inyo ang tatakbo, magrereklamo tungkol sa Diyos, at magdududa sa Kanya. Magagawa ng iilan sa inyo na magpursige nang sobrang nahihirapan, na magpursige dahil sa inyong determinasyon, kasigasigan, at kaisipan. Ngunit gaano katagal kayo makakapagpursige? Anong uri ng motibasyon ang kailangan ninyo para magpatuloy? Ilang taon kayo tatagal nang walang tunay na pananalig at tunay na pagpapasakop? Depende ito sa karakter. Ang mga may mas mabuting karakter at kaunting konsensiya ay maaaring tumagal nang walo o 10 taon, 20 o 30, siguro ay kahit 50 pa. Ngunit pagkaraan ng 50 taon, iisipin nila sa kanilang sarili, “Kailan paparito ang Diyos? Kailan darating ang baha? Kailan lilitaw ang palatandaang bigay ng Diyos? Ginugol ko na ang buong buhay ko sa paggawa ng isang bagay. Paano kung hindi dumating ang baha? Buong buhay na akong nagdusa nang husto, nagtiyaga na ako nang 50 taon—sapat na iyon, hindi iyon maaalala o kokondenahin ng Diyos kung susuko ako ngayon. Kaya, mabubuhay ako nang ayon sa gusto ko. Hindi nagsasalita o tumutugon ang Diyos. Ginugugol ko ang buong araw sa pagtingin sa bughaw na langit at puting mga ulap at wala akong nakikita. Nasaan ang Diyos? Siya na minsan ay dumagundong at nagsalita—ang Diyos ba iyon? Guni-guni ba iyon? Kailan ito magwawakas? Walang pakialam ang Diyos. Paano man ako humingi ng tulong, ang tanging naririnig ko ay katahimikan, at hindi Niya ako nililiwanagan o ginagabayan kapag nagdarasal ako. Kalimutan mo na!” Mayroon pa ba silang tunay na pananalig? Sa paglipas ng panahon, malamang na lalo pa silang mapuno ng pagdududa. Pag-iisipan nila na magbago na, hahanap sila ng lulusutan, isasantabi nila ang atas ng Diyos, at pababayaan ang kanilang panandaliang kasigasigan at panandaliang mga panunumpa; gugustuhin nilang kontrolin ang sarili nilang kapalaran at mabubuhay ayon sa nais nila, kalilimutan nila ang atas ng Diyos. At, balang araw, kapag personal na pumarito ang Diyos para himukin silang magpatuloy, nang magtanong Siya tungkol sa pag-usad ng pagbubuo sa arka, sasabihin nila, “Ah! Umiiral talaga ang Diyos! Mayroon pala talagang Diyos. Kailangan kong patuloy na magtrabaho!” Kung hindi nagsalita ang Diyos, kung hindi Niya sila minadali, hindi nila makikita na madalian ang bagay na ito; iisipin nila na makapaghihintay ito. Ang gayong pagkabalimbing, ang saloobing ito ng nag-aatubiling makaraos lang—ito ba ang saloobin na dapat ipakita ng mga taong may tunay na pananalig? (Hindi.) Maling magkaroon ng gayong saloobin, nangangahulugan ito na wala silang tunay na pananalig, lalong wala silang tunay na pagpapasakop. Nang personal na nagsalita sa iyo ang Diyos, ang panandalian mong kasigasigan ay magpapahiwatig ng pananalig mo sa Diyos, ngunit nang isinantabi ka ng Diyos, at hindi ka hinimok, o pinangasiwaan, o tinanong, mawawala na ang iyong pananalig. Lilipas ang panahon, at kapag hindi nagsalita o nagpakita sa iyo ang Diyos, at hindi nagsagawa ng anumang pagsusuri sa iyong gawain, lubos na maglalaho ang iyong pananalig; gugustuhin mong isabuhay ang sarili mong buhay, at gawin ang sarili mong usapin, at malilimutan mo na ang atas ng Diyos; ang iyong kasigasigan, mga panunumpa, at determinasyon noong panahong iyon ay nababalewala. Palagay ba ninyo ay mangangahas ang Diyos na ipagkatiwala ang isang napakabigat na trabaho sa isang taong katulad nito? (Hindi.) Bakit hindi? (Hindi sila mapagkakatiwalaan.) Tama iyan. Dalawang salita: hindi mapagkakatiwalaan. Wala kang tunay na pananalig. Hindi ka mapagkakatiwalaan. Kaya nga, hindi ka karapat-dapat na pagkatiwalaan ng Diyos ng anuman. Sabi ng ilang tao, “Bakit ako hindi karapat-dapat? Isasagawa ko ang anumang atas na ipagkatiwala sa akin ng Diyos—malay natin, baka sakaling maisakatuparan ko ito.” Magagawa mong gawin ang mga bagay-bagay sa pang-araw-araw mong buhay nang walang pag-iingat, at hindi mahalaga kung hindi tulad ng inaasahan ang mga resulta nito. Ngunit ang mga bagay na ipinagkatiwala ng Diyos, na nais ng Diyos na maisakatuparan—kailan ba naging simple ang mga iyon? Kung ipinagkatiwala ang mga iyon sa isang taong hangal o madaya, sa taong walang interes sa lahat ng kanyang ginagawa, sa isang tao na malamang na kumilos nang may mahinang pananalig matapos tanggapin ang isang atas, sa lahat ng dako at sa anumang oras, hindi ba maaantala niyan ang isang mabigat na trabaho? Kung hinilingan kayong pumili, kung ipagkakatiwala ninyo ang isang mahalagang trabaho sa isang tao, sa anong uri ng tao mo ito ipagkakatiwala? Anong uri ng tao ang pipiliin mo? (Isang taong mapagkakatiwalaan.) Kahit paano, ang taong ito ay kailangang maaasahan, may karakter, at anumang oras, o gaano man kalalaking hirap ang kanyang maranasan, ibibigay niya ang kanyang buong puso at lakas sa pagkumpleto ng ipinagkatiwala mo sa kanya, at mag-uulat siya sa iyo. Kung ganyan ang uri ng taong pipiliin ng mga taong pagkatiwalaan ng gampanin, paano pa ang Diyos! Kaya, para sa mahalagang kaganapang ito, ang pagwasak sa mundo sa pamamagitan ng baha, isang kaganapang nangailangan ng pagbubuo ng isang arka, at isang taong karapat-dapat na manatiling buhay, sino ang pipiliin ng Diyos? Una, sa teorya, pipiliin Niya ang isang taong nararapat manatiling buhay, na akmang mabuhay sa susunod na panahon. Sa totoo lang, bago ang lahat ng iba pa, ang taong ito ay kailangang magawang sumunod sa mga salita ng Diyos, kailangan ay may tunay na pananampalataya sila sa Diyos, at tinatrato ang anumang sinabi ng Diyos bilang mga salita ng Diyos—anuman ang kasangkutan nito, umayon man ito sa sarili nilang mga kuru-kuro, umayon man sa kanilang panlasa, umayon man sa sarili nilang kalooban o hindi. Anuman ang ipagawa sa kanila ng Diyos, hindi nila dapat itatwa ang pagkakakilanlan ng Diyos magpakailanman, kailangan nilang ituring palagi ang kanilang sarili bilang isang nilikha, at laging ituring ang pagsunod sa mga salita ng Diyos bilang isang tungkuling obligasyon nila; ito ang uri ng taong pinagkakatiwalaan ng Diyos ng partikular na trabahong ito. Sa puso ng Diyos, si Noe ay gayong klase ng tao. Hindi lamang siya isang taong karapat-dapat na manatiling buhay sa bagong panahon, kundi isa rin siyang taong maaaring magpasan ng mabigat na responsabilidad, na kayang magpasakop sa mga salita ng Diyos, nang walang kompromiso, hanggang sa kahuli-hulihan, at gagamitin ang kanyang buhay para kumpletuhin ang ipinagkatiwala sa kanya ng Diyos. Ito ang natagpuan Niya kay Noe. Mula sa sandaling tinanggap ni Noe ang atas ng Diyos, hanggang sa sandaling nakumpleto niya ang bawat isang trabahong ipinagkatiwala sa kanya—sa buong panahong ito, talagang mahalaga ang papel na ginampanan ng pananalig at saloobin ng pagpapasakop ni Noe sa Diyos; kung wala ang dalawang bagay na ito, hindi sana natapos ang gawain, at hindi sana naisakatuparan ang atas na ito.

Kung sa pagtanggap ng atas ng Diyos ay mayroong sariling mga ideya, plano, at kuru-kuro si Noe, paano kaya mababago ang buong trabaho? Una, nang maharap sa bawat detalyeng ipinarating sa kanya ng Diyos—ang mga detalye at uri ng materyales, ang pamamaraan at sistema ng pagbubuo ng buong arka, at ang sukat at laki ng buong arka—nang marinig ni Noe ang lahat ng ito, naisip kaya niya, “Ilang taon kaya bubuuin ang isang bagay na ganito kalaki? Gaano kalaking pagsisikap at hirap kaya ang kakailanganin para makita ang lahat ng materyales na ito? Mapapagod ako! Siguradong iiksi ang buhay ko sa ganitong kapaguran, hindi ba? Tingnan ninyo kung gaano na ako katanda, subalit ayaw akong pagpahingahin ng Diyos, at hinihingi sa aking gawin ang isang bagay na napakahirap gawin—makakaya ko kaya ito? Gagawin ko ito, ngunit may mga lihim akong plano: gagawin ko na lang ang sinasabi ng Diyos. Sinabi ng Diyos na humanap ako ng isang uri ng pine na hindi tinatagusan ng tubig. Nakarinig ako ng isang lugar kung saan may makukuha akong ilan, ngunit medyo malayo at lubhang mapanganib doon. Kakailanganin ng malaking pagsisikap para mahanap at makuha iyon, kaya paano kaya kung maghanap na lamang ako ng ibang klase noon sa malapit bilang kapalit, na halos katulad noon? Hindi iyon gaanong peligroso at hindi gaanong mahirap gawin—okey na rin iyon, hindi ba?” Nagkaroon ba ng gayong mga plano si Noe? Kung nagkaroon siya, tunay na pagpapasakop ba ito? (Hindi.) Halimbawa: Sinabi ng Diyos na dapat ay 100 metro ang taas ng arka. Nang marinig ito, naisip siguro niya, “Napakataas ng isandaang metro, walang makakasakay roon. Hindi ba’t magiging napakamapanganib na umakyat at magtrabaho rito? Kaya gagawin kong medyo mababa ang arka, gawin natin itong 50 metro. Hindi iyan gaanong mapanganib at mas madaling makakasakay ang mga tao. Ayos lang iyon, hindi ba?” Naisip kaya ni Noe ang mga iyon? (Hindi.) Kung naisip niya iyon, sa palagay ba ninyo ay mali ang taong napili ng Diyos? (Oo.) Ang tunay na pananalig at pagpapasakop ni Noe sa Diyos ay nagtulot sa kanya na isantabi ang sarili niyang kagustuhan; kahit naisip niya ang mga iyon, hinding-hindi siya kikilos ayon sa mga iyon. Sa puntong ito, alam ng Diyos na mapagkakatiwalaan si Noe. Una, hindi gagawa si Noe ng anumang mga pagbabago sa mga detalyeng itinakda ng Diyos, ni hindi niya idaragdag ang anuman sa sarili niyang mga ideya, lalo nang hindi niya babaguhin ang anuman sa mga detalyeng itinakda ng Diyos para sa sarili niyang personal na kapakinabangan; sa halip ay isasagawa niya ang lahat ng detalye ng iniutos ng Diyos, at gaano man kahirap makuha ang mga materyales para magbuo ng arka, gaano man kahirap o kanakakapagod ang gawain, gagawin niya ang lahat ng makakaya niya, at gagamitin niya ang lahat ng lakas niya para makumpleto ito nang maayos. Hindi ba’t ito ang dahilan kaya siya mapagkakatiwalaan? At ito ba ay totoong pagpapamalas ng tunay niyang pagpapasakop sa Diyos? (Oo.) Ganap ba ang pagpapasakop na ito? (Oo.) At wala itong bahid ng anuman, wala itong bahid ng kanyang sariling mga inklinasyon, hindi ito nahaluan ng mga personal na plano, lalong hindi ito nadumihan ng mga personal na kuru-kuro o interes; sa halip, ito ay dalisay, simple, at ganap na pagpapasakop. At madali bang makamtan ito? (Hindi.) Maaaring hindi sumang-ayon ang ilang tao: “Ano ang napakahirap tungkol diyan? Hindi ba’t kailangan lang dito na hindi siya mag-iisip, na maging parang robot, na ginagawa ang anumang sabihin ng Diyos—hindi ba madali iyon?” Pagdating ng oras na kailangan nang kumilos, lumilitaw ang mga suliranin; palaging nagbabago-bago ang isipan ng mga tao, lagi silang may sariling mga inklinasyon, kaya nga malamang na magduda sila kung kaya bang maisagawa ang mga salita ng Diyos; madali para sa kanila na tanggapin ang mga salita ng Diyos kapag naririnig nila ang mga ito, ngunit kapag dumating na ang oras para kumilos, nahihirapan na sila; sa sandaling magsimula ang hirap, malamang na maging negatibo sila, at hindi madali para sa kanila ang magpasakop. Kung gayon, halata naman na ang karakter ni Noe at ang kanyang tunay na pananalig at pagpapasakop, ay tunay na nararapat na tularan. Malinaw na ba sa inyo kung paano tumugon at nagpasakop si Noe nang naharap siya sa mga salita, utos, at hinihingi ng Diyos? Ang pagpapasakop na ito ay walang bahid ng personal na mga ideya. Inobliga ni Noe ang kanyang sarili na magkaroon ng ganap na pagpapasakop, pagsunod, at pagpapatupad ng mga salita ng Diyos, nang hindi nalilihis ng landas, o nanlalansi, o sinusubukang maging mautak, nang hindi nagkakaroon ng mataas na opinyon tungkol sa kanyang sarili at nag-iisip na maaari siyang magmungkahi sa Diyos, na maaari niyang idagdag ang sarili niyang mga ideya sa mga utos ng Diyos, at nang hindi nag-aambag ng sarili niyang mabubuting hangarin. Hindi ba’t ito ang dapat isagawa kapag sinusubukang magkamit ng ganap na pagpapasakop?

Gaano katagal binuo ni Noe ang arka matapos siyang utusan ng Diyos na gawin iyon? (Isandaan at dalawampung taon.) Sa loob ng 120 taon na ito, ginawa ni Noe ang isang bagay: Binuo niya ang arka at kinalap ang iba’t ibang uri ng may buhay na nilikha. At bagama’t iisang bagay lamang ito, hindi maraming iba’t ibang gawain, ang isang bagay na ito ay nangailangan ng napakalaking trabaho. Ano ang layon ng paggawa nito? Bakit niya binuo ang arkang ito? Ano ang pakay at kabuluhan ng paggawa nito? Iyon ay upang ang bawat uri ng nabubuhay na nilalang ay makaligtas kapag winasak ng Diyos ang mundo sa pamamagitan ng baha. Kaya, ginawa ni Noe ang kanyang ginawa para maghandang iligtas ang bawat uri ng may buhay na nilikha bago wasakin ng Diyos ang mundo. At para sa Diyos, napakaapurahan ba ng usaping ito? Sa tono ng pananalita ng Diyos, at sa diwa ng iniutos ng Diyos, narinig ba ni Noe ang pag-aapura ng Diyos, at na agaran ang layunin Niya? (Oo.) Sabihin na, halimbawa, na sinabihan kayo, “Parating na ang salot. Nagsimula na ito sa mundo sa labas. Mayroon kayong gagawing isang bagay, at bilisan ninyo ito: Magmadali kayong bumili ng pagkain at mga mask. Iyon lamang!” Ano ang naririnig ninyo rito? Madalian ba ito? (Oo.) Kaya kailan ito dapat gawin? Dapat ba kayong maghintay hanggang sa susunod na taon, sa taong kasunod pa noon, o ilang taon mula ngayon? Hindi—ito ay isang madaliang gawain, isang mahalagang bagay. Isantabi ang lahat ng iba pa at asikasuhin muna ito. Ito ba ang naririnig ninyo mula sa mga salitang ito? (Oo.) Kaya ano ang dapat gawin ng mga mapagpasakop sa Diyos? Dapat nilang isantabi kaagad ang kasalukuyang gampanin nila. Wala nang iba pang mahalaga. Apuradong-apurado ang Diyos tungkol sa bagay na kakautos lang Niyang gawin; wala sila dapat na aksayahing oras sa paggawa at pagsasakatuparan ng gampanin, na agaran para sa Diyos at pinagkakaabalahan ng Diyos; dapat nila itong kumpletuhin bago isagawa ang ibang mga trabaho. Ito ang ibig sabihin ng pagpapasakop. Ngunit kung susuriin mo ito sa pag-iisip na, “Parating ang isang salot? Kumakalat ba ito? Kung kumakalat ito, hayaan lamang itong kumalat—hindi ito kumakalat sa atin. Kung mangyari iyon, saka na lang natin ito harapin. Pagbili ng mga mask at pagkain? Palaging may nabibiling mga mask. At hindi mahalaga kung magsuot ka nito o hindi. May pagkain pa rin naman tayo ngayon, bakit mo iyon inaalala? Bakit ka nagmamadali? Maghintay ka lang hanggang sa makarating dito ang salot. May iba pa tayong gagawin sa ngayon,” pagpapasakop ba ito? (Hindi.) Ano ito? Kolektibo itong tinatawag na paghihimagsik. Sa mas partikular, ito ay pagsasawalang-bahala, pagkontra, pag-aanalisa, at pagsusuri gayundin ang pagkakaroon ng pagkasuklam sa puso ng isang tao, iniisip nila na hindi ito maaaring mangyari kailanman, at hindi sila naniniwala na totoo ito. Mayroon bang tunay na pananalig sa gayong saloobin? (Wala.) Ang kabuuan nilang katayuan ay ganito: Patungkol sa mga salita ng Diyos, at sa katotohanan, walang paltos na mayroon silang saloobing magmabagal, magsawalang-bahala, magpabaya; sa puso nila, hindi nila talaga ito itinuturing na mahalaga. Iniisip nila, “Makikinig ako sa mga bagay na sinasabi Mo na nauugnay sa katotohanan, at sa Iyong matatayog na sermon—hindi ako mag-aatubiling isulat ang mga ito para hindi ko malimutan ang mga ito. Pero hindi nauugnay sa katotohanan ang mga bagay na sinasabi Mo tungkol sa pagkain at mga mask, kaya pwede kong tanggihan ang mga ito, pwede kong kutyain ang mga ito sa puso ko, at pwede Kitang tratuhin nang may saloobin ng pagsasawalang-bahala at pagpapabaya; sapat nang nakikinig ako gamit ang aking mga tainga, ngunit wala Kang pakialam sa iniisip ko sa puso ko, wala Kang kinalaman dito.” Ganito ba ang saloobin ni Noe sa mga salita ng Diyos? (Hindi.) Ano ang nagpapakita na hindi siya ganito? Kailangan nating pag-usapan ang tungkol dito; ituturo nito sa iyo na ibang-iba ang saloobin ni Noe sa Diyos. At may mga totoong pangyayaring nagpapatunay rito.

Noong panahon na wala pang industriya, noong ang lahat ng bagay ay kailangang isagawa at kumpletuhin nang manu-mano, ang bawat manu-manong gawain ay napakahirap gawin at nangangailangan ng maraming oras. Nang marinig ni Noe ang atas ng Diyos, nang marinig niya ang lahat ng bagay na inilarawan ng Diyos, nadama niya ang kaseryosohan ng bagay na ito, at ang kalubhaan ng sitwasyon. Alam niya na wawasakin ng Diyos ang mundo. At bakit Niya gagawin ito? Dahil napakasasama ng mga tao, hindi sila nanampalataya sa salita ng Diyos, at itinatwa pa nga nila ang salita ng Diyos, at kinasuklaman ng Diyos ang sangkatauhang iyon. Kinasuklaman ba ng Diyos ang sangkatauhang iyon nang isa o dalawang araw lamang? Sinabi ba ng Diyos, nang biglaan, na “Hindi Ko gusto ngayon ang sangkatauhang ito. Wawasakin Ko ang sangkatauhang ito, kaya simulan mo na at gawan Ako ng arka?” Ito ba ang nangyari? Hindi. Matapos marinig ang mga salita ng Diyos, naunawaan ni Noe ang ibig iparating ng Diyos. Hindi kinasuklaman ng Diyos ang sangkatauhang iyon nang isa o dalawang araw lamang; determinado Siyang wasakin ito, upang makapagsimulang muli ang sangkatauhan. Ngunit sa pagkakataong ito, hindi nais ng Diyos na muling lumikha ng isa pang sangkatauhan; sa halip ay pahihintulutan Niya si Noe na maging mapalad na makaligtas bilang pinuno ng susunod na kapanahunan, bilang ninuno ng sangkatauhan. Nang maarok niya ang aspektong ito ng pakahulugan ng Diyos, nadama ni Noe, sa kaibuturan ng kanyang puso, ang agarang layunin ng Diyos, nadama niya ang pagmamadali ng Diyos—kaya nga, nang magsalita ang Diyos, bukod pa sa pakikinig nang mabuti, maigi, at masigasig, may nadama si Noe sa kanyang puso. Ano ang nadama niya? Pagmamadali, ang emosyong dapat madama ng isang tunay na nilikha matapos pahalagahan ang agarang layunin ng Lumikha. Kaya nga, ano ang naisip ni Noe sa kanyang puso, nang utusan siya ng Diyos na gumawa ng arka? Naisip niya, “Mula ngayon, walang kasinghalaga ng paggawa ng arka, walang kasinghalaga at madalian kaysa rito. Narinig ko na ang mga salita mula sa puso ng Lumikha, naramdaman ko ang Kanyang agarang layunin, kaya hindi ako dapat magpaliban; kailangan kong gawin nang mabilisan ang arkang sinabi at hiningi ng Diyos.” Ano ang saloobin ni Noe? Ang saloobin niya ay hindi siya nangangahas na magpabaya. At sa anong paraan niya isinagawa ang paggawa ng arka? Nang walang pagpapaliban. Isinakatuparan at isinagawa niya ang bawat detalye ng sinabi at tinagubilin ng Diyos nang may buong pagmamadali, at nang buo niyang lakas, nang hindi man lang nagiging pabasta-basta. Sa kabuuan, ang naging saloobin ni Noe sa utos ng Lumikha ay pagpapasakop. Mayroon siyang pakialam dito, at walang paglaban sa kanyang puso, ni walang pagwawalang-bahala. Sa halip, masigasig niyang sinikap na unawain ang layunin ng Lumikha nang kinabisado niya ang bawat detalye. Nang maarok niya ang agarang layunin ng Diyos, nagpasya siyang bilisan ang kilos, upang makumpleto ang sinabi sa kanya ng Diyos nang buong pagmamadali. Ano ang ibig sabihin ng “nang buong pagmamadali”? Ibig sabihin nito ay kumpletuhin, sa loob ng maikling panahon, ang trabaho na aabutin sana dati ng isang buwan, tapusin ito ng marahil ay tatlo o limang araw na mas maaga kaysa sa itinakdang panahon, nang hindi man lang nagpapaliban o nagpapakatamad, kundi tuloy-tuloy na tinatrabaho ang buong proyekto sa abot ng kanyang makakaya. Natural na habang isinasakatuparan niya ang bawat trabaho, sisikapin niyang mabuti na walang masayang at walang maging mali, at hindi siya gagawa ng anumang trabaho na mangangailangan pang ulitin; matatapos din niya ang bawat gawain at proseso nang nasa tamang oras at magagawa niya ang mga ito nang maayos, na ginagarantiyahan ang kalidad nito. Isa itong tunay na pagpapamalas ng hindi pagpapaliban ng trabaho. Kaya, ano ang paunang kinailangan para hindi niya maipagpaliban ang trabaho? (Narinig niya ang utos ng Diyos.) Oo, iyon ang paunang kinailangan at konteksto para dito. Ngayon, bakit nagawa ni Noe na hindi ipagpaliban ang trabaho? Sinasabi ng ilang tao na taglay ni Noe ang tunay na pagpapasakop. Kung gayon, ano ang mayroon siya na nagdulot sa kanya na magkaroon ng gayong tunay na pagpapasakop? (Isinaalang-alang niya ang puso ng Diyos.) Tama iyan! Ito ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng puso! Ang mga taong may puso ay kayang isaalang-alang ang puso ng Diyos; yaong mga walang puso ay mga hungkag na lalagyan, mga hangal, hindi sila marunong magsaalang-alang sa puso ng Diyos. Ang mentalidad nila ay: “Wala akong pakialam kung gaano ito kaapura para sa Diyos, gagawin ko ito sa paraang gusto ko—ano’t anuman, hindi ako nagiging batugan o tamad.” Ang ganitong uri ng saloobin, ang ganitong uri ng pagiging negatibo, ang lubos na kawalan ng pagiging maagap—hindi ito isang taong nagsasaalang-alang sa puso ng Diyos, ni hindi niya nauunawaan kung paano isaalang-alang ang puso ng Diyos. Kung ganyan ang kaso, nagtataglay ba siya ng tunay na pananalig? Talagang hindi. Isinasaalang-alang ni Noe ang puso ng Diyos, may tunay siyang pananalig, kaya’t nagawa niyang tapusin ang atas ng Diyos. Kaya naman, hindi sapat na tanggapin lang ang atas ng Diyos at maging handang magsikap nang kaunti. Dapat isaalang-alang mo rin ang mga layunin ng Diyos, ibuhos ang lahat ng makakaya mo, at maging matapat—kung saan kailangan mong magkaroon ng konsensiya at katwiran; ito ang dapat taglayin ng mga tao, at ito ang nasumpungan kay Noe. Ano ang masasabi ninyo, para magawa ang ganoon kalaking arka noong panahong iyon, ilang taon kaya ang aabutin kung nagmabagal si Noe, at siya ay walang nadamang pagmamadali, walang pag-aalala, walang kahusayan? Matatapos kaya ito sa loob ng 100 taon? (Hindi.) Maaari itong abutin nang ilang henerasyon ng patuloy na paggawa. Sa isang banda, ang paggawa ng isang solidong bagay na tulad ng isang arka ay aabutin nang maraming taon; bukod pa riyan, ganoon din ang pangangalap at pag-aalaga sa lahat ng nilikha na may buhay. Madali bang kalapin ang mga nilikhang ito? (Hindi.) Hindi. Kaya nga, matapos marinig ang mga utos ng Diyos, at maarok ang agarang layunin ng Diyos, nadama ni Noe na hindi iyon magiging madali ni walang hirap. Natanto niya na kailangan niya itong isakatuparan ayon sa mga kagustuhan ng Diyos, at kumpletuhin ang atas na ibinigay ng Diyos, upang mapalugod at mapanatag ang loob ng Diyos, upang ang sumunod na hakbang ng gawain ng Diyos ay makapagpatuloy nang maayos. Gayon ang puso ni Noe. At anong uri ng puso ito? Isa itong pusong nagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos. Batay sa pag-uugali ni Noe sa paggawa ng arka, tunay na isa siyang tao na may malaking pananalig at hindi siya nagkaroon ng alinlangan sa salita ng Diyos sa loob ng isang daang taon. Ano ang pinagbatayan niya? Pinagbatayan niya ang pananalig at pagpapasakop niya sa Diyos. Nagawang magpasakop nang lubusan ni Noe. Ano ang mga detalye ng lubos na pagpapasakop niya? Ang pagsasaalang-alang niya. Taglay ba ninyo ang ganitong puso? (Hindi.) Kaya ninyong magsalita ng mga doktrina at magpahayag ng mga islogan, pero hindi ninyo kayang magsagawa, at kapag nahaharap sa mga suliranin, hindi ninyo maisakatuparan ang mga utos ng Diyos. Kapag nagsasalita kayo, napakalinaw ninyong magsalita, pero pagdating sa mga aktuwal na gawain at nahaharap kayo sa ilang suliranin, nagiging negatibo kayo, at kapag nagdurusa kayo nang kaunti, nagsisimula kayong magreklamo, gusto ninyong sumuko na lang. Kung walang malakas na ulan sa loob ng walo o sampung taon, magiging negatibo kayo at pagdududahan ninyo ang Diyos, at kung lumipas pa ang dalawampung taon na walang malakas na ulan, patuloy pa rin ba kayong magiging negatibo? Gumugol si Noe ng mahigit 100 taon sa paggawa ng arka at hindi siya kailanman naging negatibo o nagduda sa Diyos, patuloy lang siya sa paggawa ng arka. Sino pa bukod kay Noe ang makakagawa nito? Sa anong mga paraan kayo nagkukulang? (Wala kaming normal na pagkatao o konsensiya.) Tama iyan. Hindi ninyo taglay ang karakter ni Noe. Ilang katotohanan ang naunawaan ni Noe? Sa tingin ninyo, mas maraming katotohanan ba ang naunawaan niya kaysa sa inyo? Nakapakinig na kayo ng napakaraming sermon. Ang mga misteryo ng pagkakatawang-tao ng Diyos, ang natatagong katotohanan ng tatlong yugto ng gawain ng Diyos, ang plano ng pamamahala ng Diyos; ang mga ito ang pinakamataas at pinakamalalim na mga misteryong ipinahayag sa sangkatauhan, at nilinaw na sa inyo ang lahat ng ito, kaya bakit hindi pa rin ninyo taglay ang pagkatao ni Noe at hindi pa rin ninyo magawa ang nagawa ni Noe? Napakahina ng pananalig at pagkatao ninyo kumpara kay Noe! Masasabing wala kayong tunay na pananalig, o ang pinakapayak na konsensiya o katwiran na dapat taglayin sa loob ng pagkatao. Bagaman napakarami na ninyong napakinggang sermon at sa panlabas, parang nauunawaan ninyo ang mga katotohanan, hindi mababago agad-agad ang kalidad ng pagkatao ninyo at ang tiwaling disposisyon ninyo sa pamamagitan ng pakikinig ng mas maraming sermon o sa pamamagitan ng pag-unawa sa mga katotohanan. Kung walang pagkilatis sa mga bagay na ito, pakiramdam ng mga tao na hindi sila masyadong mahina kumpara sa mga banal noong unang panahon, iniisip nila, “Tinatanggap din namin ngayon ang atas ng Diyos at nakikinig kami sa salita ng Diyos mula sa bibig Niya mismo. Sineseryoso rin namin ang bawat bagay na ipinapagawa ng Diyos sa amin. Nagbabahaginan ang lahat nang sama-sama tungkol sa mga bagay na ito, at pagkatapos ay ginagawa ang mga gawain ng pagpaplano, pagtatalaga, at pagsasakatuparan ng bagay-bagay. Paano kami naiiba sa mga banal noong unang panahon?” Malaki ba o hindi ang nakikita ninyong pagkakaiba ngayon? Napakalaki nito, lalo na sa aspekto ng karakter. Labis na tiwali, makasarili, at kasuklam-suklam ang mga tao sa kasalukuyan! Hindi sila kikilos maliban kung makikinabang sila! Sa tingin nila nangangailangan ng malaking pagsisikap ang paggawa ng mabubuting bagay at paghahanda ng mabubuting gawa! Gusto nilang gumawa ng isang tungkulin pero wala silang determinasyon, gusto nilang magdusa pero hindi nila ito kaya, gusto nilang magbayad ng halaga pero hindi nila ito magawa, gusto nilang isagawa ang katotohanan pero hindi nila ito maisakatuparan, at gusto nilang mahalin ang Diyos pero hindi nila ito maisagawa. Sabihin ninyo sa Akin, kung gaano kalaki ang kakulangan ng ganitong uri ng pagkatao! Gaano karaming katotohanan ang kailangang maunawaan at taglayin para mapunan ito?

Katatapos lamang nating magbahagian tungkol sa pagsasaalang-alang ni Noe sa mga layunin ng Diyos, na isang mahalagang bahagi ng kanyang pagkatao. Mayroon pang isa—ano iyon? Matapos marinig ang mga salita ng Diyos, nalaman ni Noe ang isang katotohanan; kaya nalaman din niya kung ano ang plano ng Diyos. Ang plano ay hindi ang simpleng bumuo ng arka para magsilbing isang bantayog, o lumikha ng isang amusement park, o gumawa ng isang malaking gusali bilang isang tanda sa lugar—hindi ganoon iyon. Mula sa sinabi ng Diyos, alam ni Noe ang isang katunayan: kinasusuklaman ng Diyos ang sangkatauhang ito, na buktot, at napagdesisyunan na Niya na lipulin ang sangkatauhang ito sa pamamagitan ng baha. Samantala, ang mga mananatiling buhay sa sumunod na panahon ay ililigtas ng arkang ito mula sa mga baha; tutulutan nitong makaligtas sila. At ano ang pangunahing isyu sa katotohanang ito? Na wawasakin ng Diyos ang mundo sa pamamagitan ng baha, at layon Niyang bumuo ng arka si Noe at manatiling buhay, at ang bawat uri ng nilikha na may buhay ay manatiling buhay, ngunit malilipol ang sangkatauhan. Malaking bagay ba ito? Hindi ito maliit na bagay na pampamilya, ni hindi ito maliit na bagay tungkol sa isang indibiduwal o isang tribo; sa halip, sangkot dito ang isang malaking operasyon. Anong uri ng malaking operasyon? Isang operasyong may kaugnayan sa plano ng pamamahala ng Diyos. May gagawing malaking bagay ang Diyos, isang bagay na sangkot ang buong sangkatauhan, at may kaugnayan sa Kanyang pamamahala, sa Kanyang saloobin sa sangkatauhan, at sa kapalaran nito. Ito ang ikatlong impormasyon na nalaman ni Noe nang ipagkatiwala sa kanya ng Diyos ang trabahong ito. At ano ang naging saloobin ni Noe nang marinig niya ito mula sa mga salita ng Diyos? Siya ba ay naniwala, nagduda, o lubos na hindi makapaniwala? (Naniwala.) Hanggang saan ang kanyang pinaniwalaan? At anong mga katotohanan ang nagpapatunay na pinaniwalaan niya ito? (Nang marinig niya ang mga salita ng Diyos, sinimulan niyang isagawa ang mga ito, at binuo ang arka tulad ng sinabi ng Diyos, na nangangahulugan na ang kanyang saloobin sa mga salita ng Diyos ay ang maniwala.) Mula sa lahat ng ipinakita ni Noe—mula sa antas ng pagsasagawa at pagsasakatuparan matapos tanggapin ni Noe ang ipinagkatiwala sa kanya ng Diyos, hanggang sa katotohanan ng naisagawa sa huli—makikita na lubos ang paniniwala ni Noe sa bawat salitang binigkas ng Diyos. Bakit may lubos siyang paniniwala? Bakit wala siyang mga pagdududa? Paano nangyari na hindi niya sinubukang magsuri, na hindi niya sinuri ito sa kanyang puso? Sa ano ito nauugnay? (Pananalig sa Diyos.) Tama iyan, ito ang tunay na pananalig ni Noe sa Diyos. Samakatwid, pagdating sa lahat ng bagay na sinabi ng Diyos at sa Kanyang bawat salita, hindi lamang pinakinggan at tinanggap ni Noe ang mga ito; sa halip ay mayroon siyang tunay na kaalaman at pananalig sa kaibuturan ng kanyang puso. Bagama’t hindi sinabi sa kanya ng Diyos ang iba’t ibang detalye, tulad ng kailan darating ang mga baha, o ilang taon ang lilipas bago dumating ang mga ito, o gaano kalaki ang mga bahang ito, o ano ang magiging hitsura ng mundo pagkatapos itong wasakin ng Diyos, naniwala si Noe na lahat ng sinabi ng Diyos ay nagkatotoo na. Hindi itinuring ni Noe ang mga salita ng Diyos na isang kuwento, o isang alamat, o isang kasabihan, o isang piraso ng sulat, kundi naniwala siya sa kaibuturan ng kanyang puso at sigurado siya, na gagawin ito ng Diyos, at walang sinuman ang maaaring makapagbago sa pinagpasyahang isakatuparan ng Diyos. Naramdaman ni Noe na maaari lamang magkaroon ng iisang saloobin ang mga tao sa mga salita ng Diyos at sa nais gawin ng Diyos, iyon ay ang tanggapin ang katunayang ito, magpasakop sa utos ng Diyos, at tumulong sa mga gawaing hinihingi ng Diyos na tumulong sila—ito ang saloobin ni Noe. At ito ay dahil mismo sa mayroong gayong saloobin si Noe—hindi nanunuri, hindi nag-uusisa, hindi nagdududa, subalit naniniwala mula sa kaibuturan ng kanyang puso, at pagkatapos ay nagpapasyang tumulong sa ipinagawa ng Diyos, at sa nais ng Diyos na maisagawa—dahil dito mismo kaya naisakatuparan ang pagbuo sa arka at nakalap at nailigtas ang bawat uri ng nilikha na may buhay. Kung nagduda si Noe noong marinig ni Noe na sinabi ng Diyos na wawasakin Niya ng mga baha ang mundo; kung nangahas siyang hindi ganap na paniwalaan ito, dahil hindi pa niya ito nakikita, at hindi niya alam kung kailan mangyayari ito, dahil maraming bagay na walang nakakaalam, naapektuhan kaya ang takbo ng kanyang pag-iisip at paniniwala sa pagbubuo ng arka, magbabago kaya ito? (Oo.) Paano kaya ito magbabago? Habang binubuo ang arka, maaaring magmadali siyang gawin iyon, maaaring balewalain niya ang mga detalyeng sinabi ng Diyos, o hindi niya kinalap ang bawat uri ng nilikha na may buhay sa loob ng arka tulad ng hiniling ng Diyos; sinabi ng Diyos na kailangang may isang lalaki at isang babae, kung saan ay maaaring nasabi niyang, “Para sa ilan sa kanila, sapat na ang magkaroon lamang ng isang babae. Hindi ko matagpuan ang ilan sa kanila, kaya kalimutan Mo na lang sila. Wala namang nakakaalam kung kailan mangyayari ang pagbahang wawasak sa mundo.” Ang mabigat na trabahong buuin ang arka at mangalap ng bawat uri ng nilikha na may buhay ay inabot nang 120 taon. Magsisikap kaya si Noe sa loob nitong 120 taon kung wala siyang tunay na pananalig sa mga salita ng Diyos? Talagang hindi. Sa panghihimasok ng mundo sa labas, at iba’t ibang reklamo mula sa mga miyembro ng kanilang pamilya, para sa isang taong hindi naniniwala na totoo ang mga salita ng Diyos, ang pagbubuo ng arka ay magiging napakahirap isagawa, lalo na kung aabutin ito nang 120 taon. Noong huli, tinanong Ko kayo kung mahabang panahon ba ang 120 taon. Sumang-ayon kayong lahat. Tinanong Ko kayo kung gaano kahabang panahon ang itatagal ninyo, at nang tanungin Ko kayo kalaunan kung makakayanan ninyo ang 15 araw, walang nagsabi sa inyo na kaya ninyo, at nalungkot ang puso Ko. Labis kayong napakahina kumpara kay Noe. Hindi kayo kapantay ng isang buhok sa kanyang ulo, ni wala kayo sa kalingkingan ng kanyang pananalig. Kahabag-habag kayo! Sa isang banda, napakababa ng inyong pagkatao at integridad. Ang isa pa, masasabi na hindi ninyo talaga hinahanap ang katotohanan. Kaya nga, wala kayong kakayahang magkaroon ng tunay na pananalig sa Diyos, ni wala kayong tunay na pagpapasakop. Kaya paano kayo nakatagal hanggang sa ngayon—bakit, habang nagbabahagi Ako, nakaupo pa rin kayo diyan at nakikinig? May dalawang aspektong nakikita sa inyo. Sa isang banda, karamihan sa inyo ay gusto pa ring maging mabuti; ayaw ninyong maging masasamang tao. Nais ninyong tumahak sa tamang landas. Mayroon kayong kaunting pagpapasya, mayroon kayong kaunting magandang hangarin. Kasabay nito, karamihan sa inyo ay takot mamatay. Gaano kayo katakot na mamatay? Sa pinakamaliit na tanda ng kaguluhan sa mundo sa labas, mayroon sa inyo na nagsusumikap na gawin ang kanilang tungkulin; kapag pumapayapa ang mga bagay-bagay, nagpapakasasa sila sa kaginhawahan, at nababawasan nang husto ang pagsisikap nilang gawin ang kanilang tungkulin; lagi nilang inaasikaso ang kanilang laman. Kumpara sa tunay na pananalig ni Noe, mayroon bang anumang tunay na pananalig na mamamalas sa inyo? (Wala.) Palagay Ko rin. At kahit kung mayroong kakatiting na pananalig, kalunus-lunos ang liit nito, at hindi nito makakayang tiisin ang mga pagsubok.

Hindi pa Ako nakagawa ng anumang mga pagsasaayos ng gawain, ngunit madalas Kong marinig ang mga ito na may paunang mga salitang tulad nito: “Sa ngayon, lubos na nagkakagulo ang iba’t ibang bansa, lalong nagiging buktot ang mga makamundong kalakaran, at parurusahan ng Diyos ang sangkatauhan; dapat nating gawin ang ating tungkulin ayon sa katanggap-tanggap na pamantayan sa pamamagitan ng paggawa ng ganito at ganoon, at pagbibigay ng ating katapatan sa Diyos.” “Sa mga panahong ito, mas lalong tumitindi ang mga salot, mas masama ang kapaligiran, mas grabe ang mga kalamidad, nahaharap ang mga tao sa banta ng mga karamdaman at kamatayan, at kung maniniwala lamang tayo sa Diyos, at mas magdarasal sa harapan ng Diyos, saka lamang natin maiiwasan ang salot, sapagkat Diyos lamang ang ating kanlungan. Sa mga panahong ito, nahaharap sa gayong mga sitwasyon, at sa gayong kapaligiran, dapat tayong maghanda ng mabubuting gawa sa pamamagitan ng paggawa ng kung ano, at sangkapan ang ating sarili ng katotohanan sa pamamagitan ng paggawa ng kung ano—ito ay kinakailangan.” “Ang paglusob ng mga peste ngayong taon ay napakatindi, mahaharap ang sangkatauhan sa taggutom, at hindi magtatagal ay daranas ng nakawan at kawalan ng katatagan sa lipunan, kaya ang mga naniniwala sa Diyos ay dapat humarap nang madalas sa Diyos upang manalangin at humiling ng proteksyon ng Diyos, at kailangang magpanatili ng normal na buhay-iglesia, at isang normal na espirituwal na buhay.” At iba pa. At pagkatapos, kapag nasabi na ang paunang salita, nagsisimula ang partikular na mga pagsasaayos. Sa bawat pagkakataon, ang mga paunang salitang ito ay gumanap ng napapanahon at mahalagang papel sa pananalig ng mga tao. Kaya iniisip Ko, hindi ba isasagawa ang mga pagsasaayos ng gawain kung hindi nagawa ang mga paunang salita at pahayag na ito? Kung wala ang mga paunang salitang ito, hindi ba magiging mga pagsasaayos ng gawain ang mga pagsasaayos ng gawain? Hindi ba magkakaroon ng dahilan para ilabas ang mga ito? Ang sagot sa mga tanong na ito ay siguradong hindi. Ang nais Kong malaman ngayon ay, ano ang layunin ng mga tao sa paniniwala sa Diyos? Ano ba talaga ang kabuluhan ng kanilang pananalig sa Diyos? Nauunawaan ba nila, o hindi, ang mga katotohanan na nais isagawa ng Diyos? Paano dapat tratuhin ng mga tao ang mga salita ng Diyos? Paano nila dapat tratuhin ang lahat ng iniuutos ng Lumikha? Mahalaga bang isaalang-alang ang mga tanong na ito? Kung si Noe ang gagamiting pamantayan para sukatin ang mga tao, ang Aking pananaw ay wala ni isa sa kanila ang karapat-dapat na tawaging “nilikha.” Hindi sila magiging karapat-dapat na humarap sa Diyos. Kung ang pananalig at pagpapasakop ng mga tao ngayon ay susukatin sa saloobin ng Diyos kay Noe, at sa mga pamantayang ginamit ng Diyos sa pagpili kay Noe, masisiyahan ba ang Diyos sa kanila? (Hindi.) Napakalayo pa nila! Palaging sinasabi ng mga tao na nananampalataya at sumasamba sila sa Diyos, ngunit paano namamalas sa kanila ang pananalig at pagsambang ito? Ang totoo, naipapamalas ito sa kanilang pag-asa sa Diyos, sa kanilang mga kahilingan sa Kanya, gayundin sa kanilang totoong paghihimagsik laban sa Kanya, at maging ang pangmamaliit nila sa Diyos na nagkatawang-tao. Maituturing ba ang lahat ng ito na paghamak ng sangkatauhan sa katotohanan at hayagang paglabag sa prinsipyo? Iyan, sa katunayan, ang nangyayari—ito ang diwa nito. Tuwing nilalaman ng mga pagsasaayos ng gawain ang mga salitang ito, nadaragdagan ang “pananalig” ng mga tao; tuwing naglalabas ng mga pagsasaayos ng gawain, kapag natatanto ng mga tao ang mga hinihingi at kabuluhan ng mga pagsasaayos ng gawain, at nakakaya nilang isagawa ang mga iyon, naniniwala sila na nadaragdagan ang antas ng kanilang pagpapasakop, na mayroon na sila ngayong pagpapasakop—ngunit, sa totoo lang, talaga bang nagtataglay sila ng pananalig at tunay na pagpapasakop? At ano ba itong pinaniniwalaang pananalig at pagpapasakop kapag sinukat ayon sa pamantayan ni Noe? Isang uri ng transaksiyon, sa totoo lang. Paano ito posibleng maituturing na pananalig at tunay na pagpapasakop? Ano itong tinatawag na tunay na pananalig ng mga tao? “Narito na ang mga huling araw—sana ay kumilos kaagad ang Diyos! Napakalaking pagpapala na naririto ako kapag wawasakin na ng Diyos ang mundo, na magiging sapat ang suwerte ko na manatiling buhay, at hindi magdusa ng mga pamiminsala ng pagkawasak. Napakabuti ng Diyos, mahal na mahal Niya ang mga tao, napakadakila ng Diyos! Itinaas Niya nang husto ang tao, ang Diyos ay talagang Diyos, Diyos lamang ang makagagawa ng gayong mga bagay.” At ang tinatawag nilang tunay na pagpapasakop? “Lahat ng sinasabi ng Diyos ay tama. Gawin ang anumang sabihin Niya; kung hindi, masasadlak ka sa kapahamakan, at magiging katapusan na ng lahat sa iyo, walang sinumang makapagliligtas sa iyo.” Hindi tunay na pananalig ang kanilang pananalig, at hindi tunay na pagpapasakop ang kanilang pagpapasakop—puro kasinungalingan ang mga ito.

Ngayon, halos lahat sa mundo ay alam ang pagbuo ng arka ni Noe, hindi ba? Ngunit ilang tao ang nakakaalam ng natatagong kuwento nito? Ilang tao ang nakakaunawa sa tunay na pananalig at pagpapasakop ni Noe? At sino ang nakakaalam—at may pakialam—kung ano ang pagsusuri ng Diyos kay Noe? Walang sinuman ang pumapansin dito. Ano ang ipinapakita nito? Ipinapakita nito na hindi hinahangad ng mga tao ang katotohanan, at hindi nila minamahal ang mga positibong bagay. Noong huli, matapos Kong ibahagi ang mga kuwento ng dalawang taong ito, binalikan ba ng sinuman ang Bibliya para basahin ang mga detalye ng mga kuwentong ito? Naantig ba kayo nang marinig ninyo ang mga kuwento nina Noe, Abraham, at Job? (Oo.) Naiinggit ba kayo sa tatlong taong ito? (Oo.) Gusto ba ninyong maging katulad nila? (Oo.) Kaya, nagdaos ba kayo ng detalyadong mga pagbabahagnian tungkol sa mga kuwento nila, at tungkol sa diwa ng kanilang pag-uugali, ng kanilang saloobin sa Diyos, at ng kanilang pananalig at pagpapasakop? Saan dapat magsimula ang mga taong nais maging katulad ng ganitong uri ng mga tao? Matagal na simula nang una Kong nabasa ang kuwento ni Job, at nauunawaan Ko rin nang kaunti ang mga kuwento nina Noe at Abraham. Sa tuwing binabasa at iniisip Ko sa puso Ko ang tungkol sa ipinakita ng tatlong lalaking ito, ang sinabi at ginawa ng Diyos sa kanila, at ang kanilang iba’t ibang saloobin, pakiramdam Ko ay mapapaluha Ako—naaantig Ako. Kaya ano ang nakaantig sa inyo nang basahin ninyo ang mga ito? (Matapos kong mapakinggan ang pagbabahagi ng Diyos, nalaman ko sa wakas na habang dumaranas ng kanyang mga pagsubok si Job, inisip niya na nagdurusa ang Diyos para sa kanya, at dahil ayaw niyang magdusa ang Diyos, isinumpa niya ang mismong araw ng kanyang kapanganakan. Sa tuwing binabasa ko ito, nararamdaman ko na talagang isinasaalang-alang ni Job ang mga layunin ng Diyos at labis akong naaantig.) Ano pa? (Dumaan sa napakaraming paghihirap si Noe noong ginagawa niya ang arka, pero nagawa pa rin niyang magpakita ng pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos. Pinagkalooban ng anak si Abraham sa edad na 100 at labis siyang natuwa, pero nang hilingin ng Diyos na ihandog niya ang kanyang anak, nagawa niyang sumunod at magpasakop, pero hindi namin magawa iyon. Wala kami ng pagkatao, konsensiya, o katwiran na taglay ni Noe o ni Abraham. Napupuno ako ng paghanga kapag binabasa ko ang mga kuwento nila, at mga huwaran sila na dapat naming tularan.) (Noong huli Kang nagbahagi, nabanggit Mo na nagawang magpursige ni Noe sa loob ng 120 taon sa paggawa ng arka at natapos niya nang perpekto ang mga bagay na iniutos sa kanya ng Diyos at hindi niya binigo ang mga inaasahan ng Diyos. Sa paghahambing nito sa saloobin ko sa tungkulin ko, nakikita ko na wala akong kahit kaunting pagtitiyaga. Dahil dito, nakokonsensiya ako at naaantig.) Naaantig kayong lahat, hindi ba? (Oo.) Hindi muna natin pagbabahaginan ang paksang ito sa ngayon; tatalakayin natin ang lahat ng ito kapag natapos na natin ang mga kuwento nina Noe at Abraham. Sasabihin Ko sa inyo kung aling mga bahagi ang nakaantig sa Akin, at titingnan natin kung ang mga ito rin ang mga bahaging nakaantig sa inyo.

Katatapos lang nating magbahaginan tungkol sa tunay na pananalig ni Noe sa Diyos. Ang mga naitatag na katunayan ng kanyang paggawa ng arka ay sapat na upang makita ang kanyang tunay na pananalig. Ang tunay na pananalig ni Noe ay nakikita sa bawat isang bagay na kanyang ginawa, sa bawat iniisip niya, at sa saloobin niya nang kumilos siya ayon sa iniutos sa kanya ng Diyos. Sapat na ito upang ipakita ang tunay na pananalig ni Noe sa Diyos—pananalig na walang anumang pagdududa, at ganap na dalisay. Naaayon man ang iniutos sa kanya ng Diyos sa sarili niyang mga kuru-kuro, kung ito man ang naiplano niyang gawin sa buhay, at paano man ito sumalungat sa mga bagay-bagay sa kanyang buhay, lalo na kung gaano kahirap ang gawaing ito, iisa lamang ang kanyang saloobin: pagtanggap, pagpapasakop at pagpapatupad. Sa huli, makikita sa mga totoong pangyayari na ang arkang binuo ni Noe ay nagligtas sa bawat klase ng nilikha na may buhay, gayundin sa sariling pamilya ni Noe. Nang idulot ng Diyos ang pagbaha at sinimulan Niyang lipulin ang sangkatauhan, lulan ng arka ang pamilya ni Noe at ang iba’t ibang uri ng nilikha na may buhay, lumutang ito sa tubig. Winasak ng Diyos ang daigdig sa pamamagitan ng pagpapadala ng matinding pag-ulan sa loob ng apatnapung araw, at ang nanatiling buhay lang ay ang pamilya ni Noe na may walong katao at ang iba’t ibang nilikha na may buhay na pumasok sa arka, nalipol ang lahat ng ibang tao at buhay na nilalang. Ano ang makikita mula sa mga totoong pangyayaring ito? Dahil si Noe ay may tunay na pananalig at tunay na pagpapasakop sa Diyos—sa pamamagitan ng tunay na pakikipagtulungan ni Noe sa Diyos—naisakatuparan ang lahat ng nais gawin ng Diyos; nagkatotoo ang lahat. Ito ang pinahalagahan ng Diyos kay Noe, at hindi binigo ni Noe ang Diyos; sinunod niya ang mahalagang atas na ibinigay sa kanya ng Diyos, at kinumpleto ang lahat ng ipinagkatiwala sa kanya ng Diyos. Nagawang kumpletuhin ni Noe ang atas ng Diyos, sa isang banda, dahil sa mga utos ng Diyos, at kasabay nito, dahil din ito sa tunay na pananalig at lubos na pagpapasakop ni Noe sa Diyos. Ito ay dahil mismo sa taglay ni Noe ang dalawang pinakakatangi-tangi sa lahat ng bagay kaya siya minahal ng Diyos; at ito ay dahil mismo sa taglay ni Noe ang tunay na pananalig, at lubos na pagpapasakop, kaya ang tingin sa kanya ng Diyos ay isang taong dapat manatili, at bilang isang tao na karapatdapat na manatiling buhay. Lahat maliban kay Noe ay kinasusuklaman ng Diyos, na nagpapahiwatig na lahat sila ay hindi karapat-dapat na mabuhay sa gitna ng mga nilikha ng Diyos. Ano ang dapat nating makita mula sa paggawa ni Noe ng arka? Sa isang banda, nakita na natin ang mararangal na karakter ni Noe; may konsensiya at katwiran si Noe. Sa kabilang banda, nakita na natin ang tunay na pananalig at tunay na pagpapasakop ni Noe sa Diyos. Lahat ng ito ay nararapat na tularan. Dahil mismo sa pananalig at pagpapasakop ni Noe sa atas ng Diyos kaya naging pinakamamahal si Noe sa mga mata ng Diyos, isang nilikha na minahal ng Diyos—ito ay pagiging mapalad at pinagpala. Ang gayong mga tao lamang ang nararapat na mamuhay sa liwanag ng presensiya ng Diyos; sa mga mata ng Diyos, sila lamang ang nararapat na mabuhay. Ang mga taong nararapat na mabuhay: ano ang ibig sabihin nito? Ang ibig sabihin nito ay iyong mga karapatdapat na tamasahin ang lahat ng maaaring tamasahin na ipinagkaloob ng Diyos sa sangkatauhan, karapatdapat na mamuhay sa liwanag ng presensiya ng Diyos, karapatdapat na matanggap ang mga pagpapala at pangako ng Diyos; ang mga ganitong tao ang pinakaminamahal ng Diyos, sila ang mga tunay na nilikhang tao, at ang siyang mga gustong makamit ng Diyos.

II. Ang Saloobin ni Abraham sa mga Salita ng Diyos

Ngayon, tingnan natin ang mga bagay kay Abraham na karapat-dapat tularan ng mga susunod na henerasyon. Ang pangunahing ginawa ni Abraham sa harap ng Diyos ay ang bagay na labis na pamilyar at alam na alam ng mga susunod na henerasyon: ang paghahandog kay Isaac. Ang bawat aspekto ng ipinamalas ni Abraham sa usaping ito—ang karakter, pananalig, o pagpapasakop man niya—ay karapat-dapat na tularan ng mga susunod na henerasyon. Kaya, ano ba mismo ang mga partikular na pagpapamalas na ipinakita niya ang karapat-dapat na tularan? Natural na ang iba’t ibang bagay na ito na ipinamalas niya ay hindi walang kabuluhan, at lalong hindi abstrakto ang mga ito, at tiyak na hindi gawa-gawa ang mga ito ng sinumang tao, may ebidensiya para sa lahat ng bagay na ito. Pinagkalooban ng Diyos si Abraham ng isang anak; personal itong sinabi ng Diyos kay Abraham, at nang 100 taong gulang na si Abraham, isinilang sa kanya ang isang anak na nagngangalang Isaac. Malinaw na hindi ordinaryo ang pinagmulan ng batang ito, wala siyang katulad—personal siyang ipinagkaloob ng Diyos. Kapag personal na ipinagkaloob ng Diyos ang isang bata, iniisip ng mga tao na tiyak na gagawa ng isang dakilang bagay sa kanya ang Diyos, na ipagkakatiwala sa kanya ng Diyos ang isang dakilang bagay, na gagawa ang Diyos ng mga ekstraordinaryong bagay sa kanya, na gagawin ng Diyos ang bata na natatangi, at iba pa—ito ang mga bagay na labis na inaasahan ni Abraham at ng ibang tao. Pero iba ang naging takbo ng mga bagay-bagay, at may nangyari kay Abraham na hindi inasahan ng sinuman. Ipinagkaloob ng Diyos si Isaac kay Abraham, at nang dumating ang oras ng paghahandog, sinabi ng Diyos kay Abraham, “Hindi mo kailangang maghandog ng anumang bagay ngayon, si Isaac lang—sapat na iyon.” Ano ang ibig sabihin nito? Binigyan ng Diyos si Abraham ng isang anak, at nang papalaki na ang anak na ito, nais ng Diyos na bawiin si Isaac. Ang magiging pananaw rito ng ibang tao ay: “Ikaw ang nagbigay kay Isaac. Hindi ko ito pinaniwalaan, pero iginiit Mong ibigay ang batang ito. Ngayon, hinihingi Mo na ihandog siya bilang isang sakripisyo. Hindi ba’t ito ay pagbawi Mo sa kanya? Paano Mo nagagawang bawiin ang ibinigay Mo na sa mga tao? Kung gusto Mo siyang kunin, kunin Mo siya. Pwede Mo naman siyang bawiin nang tahimik. Hindi Mo na kailangang magdulot sa akin ng ganitong pasakit at pahirap. Paano Mo nagagawang hingin sa akin na ako mismo ang magsakripisyo sa kanya?” Napakahirap ba ng hinihinging ito? Sobrang hirap nito. Kapag narinig ang hinihinging ito, sasabihin ng ilang tao, “Ito ba talaga ang Diyos? Napakawalang katwiran ang umakto nang ganito! Ikaw ang nagbigay kay Isaac, at ngayon ay binabawi Mo na siya. Talaga bang palagi Kang may katwiran? Palagi bang tama ang lahat ng ginagawa Mo? Hindi naman palagi. Nasa mga kamay Mo ang buhay ng mga tao. Sinabi Mo na bibigyan Mo ako ng anak, at ginawa Mo nga iyon; nasa Iyo ang awtoridad na iyon, gaya rin ng awtoridad Mo na bawiin siya—pero hindi ba’t parang wala sa katwiran ang paraan ng pagbawi Mo at ang usaping ito? Ibinigay Mo ang batang ito, kaya dapat hayaan Mo siyang lumaki, gumawa ng mga dakilang bagay, at makita ang mga pagpapala Mo. Paano Mo nagagawang hilingin na mamatay siya? Sa halip na iutos ang kamatayan niya, hindi Mo na lang sana siya ibinigay sa akin! Bakit Mo siya ibinigay sa akin kung gayon? Ibinigay Mo sa akin si Isaac, at sinasabi Mo ngayon sa akin na ihandog ko siya—hindi ba’t binibigyan Mo ako ng karagdagang pasakit? Hindi ba’t pinapahirapan Mo ako? Kung gayon, bakit Mo pa ako binigyan ng anak?” Hindi nila maunawaan ang lohika sa likod ng hinihinging ito, gaano man nila subukan; gaano man nila ito ipaliwanag, hindi ito makatwiran para sa kanila, at walang taong nakakaunawa rito. Pero sinabi ba ng Diyos kay Abraham ang dahilan sa likod nito? Sinabi ba Niya kay Abraham ang mga dahilan nito, at kung ano ang layunin Niya? Sinabi ba Niya? Hindi. Sinabi lang ng Diyos, “Sa oras ng pagsasakripisyo bukas, ihandog mo si Isaac,” iyon lang. Nagbigay ba ng paliwanag ang Diyos? (Hindi.) Kaya ano ba ang kalikasan ng mga salitang ito? Kung titingnan ayon sa pagkakakilanlan ng Diyos, isang utos ang mga salitang ito, isang utos na dapat isagawa, na dapat sundin at dapat magpasakop dito. Pero kung titingnan ayon sa sinabi ng Diyos at ng mismong bagay, hindi ba’t magiging mahirap para sa mga tao na gawin ang nararapat nilang gawin? Iniisip ng mga tao na dapat makatwiran ang mga bagay na nararapat gawin, at naaayon sa mga damdamin ng tao at sa mga pangkalahatang sensibilidad ng tao—pero naaangkop ba sa sinabi ng Diyos ang alinman sa mga ito? (Hindi.) Kaya dapat bang nagbigay sana ng paliwanag ang Diyos, at ipinahayag ang Kanyang mga iniisip at ang Kanyang kahulugan, o ibinunyag kahit kaunti ang ibig Niyang sabihin sa mga pahiwatig ng Kanyang mga salita para maunawaan ng mga tao? Ginawa ba ng Diyos ang alinman sa mga ito? Hindi, at hindi rin Niya pinlano na gawin iyon. Nilalaman ng mga salitang ito kung ano ang hinihingi ng Lumikha, kung ano ang iniutos Niya, at kung ano ang inasahan Niya sa tao. Ang mga napakasimpleng salitang ito, ang mga di-makatwirang salitang ito—ang utos at hinihinging ito na walang pagsasaalang-alang sa mga damdamin ng tao—ay ituturing lang na mahirap, mabigat, at di-makatwiran ng ibang tao, ng sinumang taong nakakita sa eksenang ito. Pero para kay Abraham, na aktuwal na sangkot, nakakadurog-sa-pusong sakit ang una niyang naramdaman pagkatapos itong marinig! Tinanggap niya ang batang ito na ipinagkaloob ng Diyos, ginugol niya ang lahat ng taon na iyon sa pagpapalaki rito, at tinamasa niya ang lahat ng taon na iyon ng kaligayahan sa pamilya, pero sa isang pangungusap, isang utos mula sa Diyos, ang kaligayahang ito, ang buhay na tao na ito, ay mawawala at kukunin. Hindi lang ang pagkawala ng kaligayahan ng pamilya ang kinaharap ni Abraham, kundi ang sakit ng walang hanggang kalungkutan at pangungulila pagkatapos mawala ang anak na ito. Para sa isang matandang lalaki, lubhang napakahirap nito. Pagkarinig sa mga gayong salita, luluha nang husto ang sinumang ordinaryong tao, hindi ba? Higit pa rito, sa puso nila ay isusumpa nila ang Diyos, magrereklamo sila tungkol sa Diyos, magkakamali sila ng pag-unawa sa Diyos, at susubukan nilang mangatwiran sa Diyos; ipapakita nila ang lahat ng kaya nilang gawin, lahat ng abilidad nila, at lahat ng kanilang pagiging mapaghimagsik, walang galang, at di-makatwiran. Pero, kahit na nasaktan din siya, hindi ito ginawa ni Abraham. Tulad ng sinumang normal na tao, agad niyang nadama ang sakit na iyon, agad niyang naranasan ang pakiramdam na parang tinutusok ang puso niya, at agad niyang naramdaman ang kalungkutan ng pagkawala ng isang anak. Ang mga salitang ito ng Diyos ay walang pagsasaalang-alang sa mga damdamin ng tao, hindi lubos maisip ng mga tao, at hindi kaayon ng mga kuru-kuro ng mga tao, hindi sinabi ang mga ito mula sa perspektiba ng mga damdamin ng tao; walang pagsasaalang-alang ang mga ito sa mga hirap ng tao o sa mga emosyonal na pangangailangan ng tao, at tiyak na walang pagsasaalang-alang ang mga ito sa sakit na nadarama ng tao. Malupit na binigkas ng Diyos ang mga salitang ito kay Abraham—may pakialam ba ang Diyos kung gaano kasakit kay Abraham ang mga salitang ito? Sa panlabas, tila walang malasakit at walang pakialam ang Diyos; ang narinig lang ni Abraham ay ang utos ng Diyos, at ang hinihingi ng Diyos. Para sa sinuman, ang hinihinging ito ay tila hindi kaayon ng kultura, mga kaugalian, mga sensibilidad ng tao, kahit ng moralidad at etika ng tao; hindi na ito moral at etikal, at sumalungat ito sa mga alituntunin ng tao para sa pag-asal at pakikitungo sa mga tao, pati na sa mga damdamin ng tao. May mga naniniwala pa, “Ang mga salitang ito ay hindi lang di-makatwiran at imoral—ang mas malala pa, nagdudulot lang ang mga ito ng problema nang walang magandang dahilan! Paano nagawang bigkasin ng Diyos ang mga salitang ito? Ang mga salita ng Diyos ay dapat na makatwiran at patas, at dapat lubusang makumbinsi ang tao; hindi dapat magdulot ng problema ang mga ito nang walang magandang dahilan, at hindi dapat labag sa etika, moralidad, o lohika. Talaga bang binigkas ng Lumikha ang mga salitang ito? Magagawang bang sabihin ng Lumikha ang mga gayong bagay? Magagawa bang tratuhin nang ganito ng Lumikha ang mga taong nilikha Niya? Imposibleng ganoon nga.” Pero nagmula nga sa bibig ng Diyos ang mga salitang ito. Batay sa saloobin ng Diyos at sa tono ng mga salita Niya, napagpasyahan na ng Diyos kung ano ang gusto Niya, at hindi na ito dapat pang kuwestiyunin, at walang karapatang pumili ang mga tao; hindi Niya binibigyan ang tao ng karapatang pumili. Ang mga salita ng Diyos ay isang hinihingi, ang mga ito ay isang utos na ibinigay Niya sa tao. Para kay Abraham, ang mga salitang ito ng Diyos ay di-mapagkompromiso at di-makukuwestiyon; ang mga ito ay di-mapagkompromisong hinihingi ng Diyos kay Abraham, at hindi na ito dapat pang kuwestiyunin. At ano ang naging desisyon ni Abraham? Ito ang mahalagang punto na pagbabahaginan natin.

Pagkarinig sa mga salita ng Diyos, sinimulan ni Abraham ang kanyang mga paghahanda, nakakaramdam siya ng pighati at sobrang bigat ng loob niya. Tahimik siyang nanalangin sa kanyang puso: “Panginoon ko, Diyos ko. Karapat-dapat na purihin ang lahat ng ginagawa Mo; ang anak na ito ay ibinigay Mo, at kung nais Mo siyang bawiin, nararapat lang na isauli ko siya.” Bagama’t nasasaktan si Abraham, hindi ba’t makikita ang saloobin niya mula sa mga salitang ito? Ano ang makikita ng mga tao rito? Makikita nila ang kahinaan ng normal na tao, ang mga emosyonal na pangangailangan ng normal na tao, pati na rin ang makatwirang bahagi ni Abraham, at ang bahagi niya na may tunay na pananalig at pagpapasakop sa Diyos. Ano ang makatwiran niyang bahagi? Alam na alam ni Abraham na ibinigay ng Diyos si Isaac, na may kapangyarihang ang Diyos na tratuhin si Isaac sa anumang paraang gusto Niya, na hindi ito dapat husgahan ng mga tao, na ang lahat ng sinasabi ng Lumikha ay kumakatawan sa Lumikha, at na tila makatwiran man ito o hindi, naaayon man ito sa kaalaman, kultura, at moralidad ng tao o hindi, hindi nagbabago ang pagkakakilanlan ng Diyos at ang kalikasan ng Kanyang mga salita. Malinaw na alam Niya na kung hindi kayang unawain, arukin, o tuklasin ng mga tao ang mga salita ng Diyos, problema na nila iyon, na walang dahilan para ipaliwanag o linawin ng Diyos ang mga salitang ito, at na hindi lang dapat magpasakop ang mga tao kapag nauunawaan nila ang mga salita at layunin ng Diyos, kundi dapat magkaroon sila ng iisang saloobin patungkol sa mga salita ng Diyos, anuman ang sitwasyon: nakikinig, tumatanggap, at pagkatapos ay nagpapasakop. Ito ang malinaw na nakikilatis na saloobin ni Abraham sa lahat ng hinihingi ng Diyos na gawin niya, at nakapaloob dito ang pagkamakatwiran ng normal na tao, gayundin ang tunay na pananalig at tunay na pagpapasakop. Ano, higit sa lahat, ang kinailangang gawin ni Abraham? Ang huwag suriin ang mga tama at mali ng mga salita ng Diyos, huwag suriin kung sinabi ba ito bilang isang biro, o para subukan siya, o iba pa. Hindi sinuri ni Abraham ang mga gayong bagay. Ano ang agaran niyang saloobin sa mga salita ng Diyos? Na ang mga salita ng Diyos ay hindi dapat pinapangatwiranan gamit ang lohika—makatwiran man ang mga ito o hindi, ang mga salita ng Diyos ay mga salita ng Diyos, at hindi dapat magkaroon ng puwang para sa pagpili o ng pagsusuri sa saloobin ng mga tao patungkol sa mga salita ng Diyos; ang katwirang dapat mayroon ang mga tao, at ang dapat nilang gawin, ay makinig, tumanggap, at magpasakop. Sa puso niya, malinaw na malinaw kay Abraham kung ano ang pagkakakilanlan at diwa ng Lumikha, at kung ano ang posisyon na dapat hawakan ng isang nilikhang tao. Dahil mismo sa may taglay na gayong pagkamakatwiran at ganitong uri ng saloobin si Abraham, kahit pa nagtitiis siya ng matinding pasakit, kaya inihandog niya si Isaac sa Diyos nang walang pag-aalinlangan o anumang pag-aatubili, isinauli niya si Isaac sa Diyos gaya ng ninanais ng Diyos. Naramdaman niya na dahil hiniling ito ng Diyos, dapat niyang isauli si Isaac sa Diyos, at hindi siya dapat mangatwiran sa Diyos, o magkaroon ng sarili niyang mga kahilingan o hinihingi. Ito mismo ang saloobing nararapat taglayin ng isang nilikha patungkol sa Lumikha. Ang pinakamahirap na bagay sa paggawa nito ang pinakamahalagang katangian ni Abraham. Ang mga salitang ito na sinabi ng Diyos ay di-makatwiran at walang pagsasaalang-alang sa mga damdamin ng tao—hindi kayang unawain o tanggapin ng mga tao ang mga ito, at kahit ano pa ang edad, o kanino man ito mangyari, walang katuturan ang mga salitang ito, hindi maiisagawa ang mga ito—pero hiningi pa rin ng Diyos na gawin ito. Kaya, ano ang dapat gawin? Susuriin ng karamihan ng tao ang mga salitang ito, at pagkatapos ng ilang araw ng pagsusuri, maiisip nila: “Hindi makatwiran ang mga salita ng Diyos—paano nagagawang kumilos ng Diyos sa ganitong paraan? Hindi ba’t isa itong uri ng pagpapahirap? Hindi ba’t mahal ng Diyos ang tao? Paano Niya nagagawang pahirapan nang sobra ang mga tao? Hindi ako nananampalataya sa isang Diyos na labis na nagpapahirap sa mga tao, at pwede kong piliing hindi magpasakop sa mga salitang ito.” Pero hindi ito ginawa ni Abraham; pinili niyang magpasakop. Bagama’t naniniwala ang lahat na mali ang sinabi at hiningi ng Diyos, na hindi dapat humingi ng gayon ang Diyos sa mga tao, nagawa ni Abraham na magpasakop—at ito ang pinakamahalagang katangian niya, at ang mismong wala sa ibang tao. Ito ang tunay na pagpapasakop ni Abraham. Bukod dito, pagkatapos marinig ang hinihingi sa kanya ng Diyos, ang unang bagay na natiyak niya ay hindi ito sinabi ng Diyos bilang isang biro, na hindi ito isang laro. At dahil ang mga salita ng Diyos ay hindi ganoon, ano ang mga ito? Malalim ang pananampalataya ni Abraham na totoo na walang tao ang makakapagbago sa itinatakda ng Diyos na dapat gawin, na walang mga biro, pagsubok, o pagpapahirap sa mga salita ng Diyos, na mapagkakatiwalaan ang Diyos, at lahat ng Kanyang sinasabi—tila makatwiran man ito o hindi—ay totoo. Hindi ba’t ito ang tunay na pananalig ni Abraham? Sinabi ba niya, “Sinabi sa akin ng Diyos na ihandog si Isaac. Pagkatapos kong makuha si Isaac, hindi ko napasalamatan nang maayos ang Diyos—ito ba ay paghingi ng Diyos sa aking pasasalamat? Kung gayon, dapat kong ipakita nang maayos ang pasasalamat ko. Dapat kong ipakita na handa akong ihandog si Isaac, na handa akong pasalamatan ang Diyos, na alam at naaalala ko ang biyaya ng Diyos, at na hindi ko idudulot na mag-alala ang Diyos. Walang duda na sinabi ng Diyos ang mga salitang ito para suriin at subukin ako, kaya dapat iraos ko lang ito. Gagawin ko ang lahat ng paghahanda, pagkatapos ay magdadala ako ng isang tupa kasama si Isaac, at kung sa oras ng paghahandog ay walang sinabi ang Diyos, ihahandog ko ang tupa. Sapat na ang iraos lang ito. Kung talagang hihingin sa akin ng Diyos na ihandog si Isaac, sasabihan ko na lang si Isaac na magpanggap sa altar; kapag oras na, baka hayaan pa rin ako ng Diyos na ihandog ang tupa at hindi ang aking anak”? Ito ba ang naisip ni Abraham? (Hindi.) Kung ganoon ang inisip niya, wala sanang pighati sa puso niya. Kung naisip niya ang mga gayong bagay, anong klaseng integridad ang mayroon siya? Magkakaroon ba siya ng tunay na pananalig? Magkakaroon ba siya ng tunay na pagpapasakop? Hindi.

Batay sa sakit na naramdaman at naranasan ni Abraham pagdating sa usapin ng paghahandog kay Isaac, malinaw na lubos siyang naniwala sa salita ng Diyos, na pinaniwalaan niya ang bawat salitang sinabi ng Diyos, na naunawaan niya ang lahat ng sinabi ng Diyos nang kung paano ito mismo nilayon ng Diyos sa kaibuturan ng puso niya, at wala siyang mga pagdududa sa Diyos. Ito ba ay tunay na pananalig o hindi? (Tunay ito.) May tunay na pananalig sa Diyos si Abraham, at ipinapakita nito ang isang bagay, na isang tapat na tao si Abraham. Ang nag-iisang saloobin niya sa mga salita ng Diyos ay pagsunod, pagtanggap, at pagpapasakop—susundin niya anuman ang sabihin ng Diyos. Kung sasabihin ng Diyos na itim ang isang bagay, kahit pa hindi itim ang tingin dito ni Abraham, paniniwalaan niya na totoo ang sinabi ng Diyos, at magiging kumbinsido siyang itim nga ito. Kung sasabihin ng Diyos na puti ang isang bagay, magiging kumbinsido siyang puti nga iyon. Ganoon lang ito kasimple. Sinabi ng Diyos sa kanya na pagkakalooban siya ng Diyos ng isang anak, at inisip ni Abraham, “Isang daan taong gulang na ako, pero kung sinabi ng Diyos na bibigyan Niya ako ng anak, nagpapasalamat ako sa aking Panginoon, sa Diyos!” Wala siyang masyadong maraming ibang ideya, nanampalataya lang siya sa Diyos. Ano ba ang diwa ng pananampalatayang ito? Nanampalataya siya sa diwa at pagkakakilanlan ng Diyos, at totoo ang kaalaman niya tungkol sa Lumikha. Hindi siya tulad ng mga taong iyon na nagsasabing nananamplataya sila na ang Diyos ay makapangyarihan sa lahat at ang Lumikha ng sangkatauhan, pero may mga pagdududa sila sa puso nila gaya ng, “Totoo bang nagmula sa mga unggoy ang mga tao? Sinasabing ang diyos ang lumikha ng lahat ng bagay, pero hindi naman ito nakita ng mismong mata ng mga tao.” Anuman ang sinasabi ng Diyos, ang mga taong iyon ay laging nasa pagitan ng pananampalataya at pagdududa, at nakabatay sila sa nakikita nila para matukoy kung totoo o huwad ang mga bagay. Pinagdududahan nila ang anumang hindi nila makita gamit ang mga mata nila, kaya sa tuwing naririnig nilang magsalita ang Diyos, naglalagay sila ng mga tandang pananong sa likod ng mga salita Niya. Maingat, masikap, at masusi nilang sinusuri at inaalisa ang bawat katunayan, usapin, at utos na inilalatag ng Diyos. Iniisip nila na sa kanilang pananampalataya sa Diyos, dapat nilang suriin ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan nang may saloobin ng siyentipikong pagsasaliksik, para malaman kung talagang katotohanan nga ang mga salitang ito, kung hindi ay malamang na madaya o malinlang sila. Pero hindi ganito si Abraham, nakinig siya sa salita ng Diyos nang may dalisay na puso. Gayumpaman, sa pagkakataong ito, hiningi ng Diyos kay Abraham na ihandog sa Kanya ang kaisa-isang anak ni Abraham na si Isaac. Nagdulot ito ng pasakit kay Abraham, pero pinili pa rin niyang magpasakop. Nananamplataya si Abraham na hindi nagbabago ang mga salita ng Diyos, at na magiging realidad ang mga salita ng Diyos. Ang mga nilikhang tao ay dapat tumanggap at magpasakop sa salita ng Diyos bilang isang natural na bagay, at sa harap ng salita ng Diyos, ang mga nilikhang tao ay walang karapatang pumili, lalong hindi nila dapat analisahin o suriin ang salita ng Diyos. Ito ang saloobing pinanghawakan ni Abraham patungkol sa salita ng Diyos. Kahit na labis na nasasaktan si Abraham, at kahit na ang pagmamahal niya sa anak niya at ang pag-aatubili niyang isuko ang anak niya ay nagdulot sa kanya ng matinding hinagpis at pasakit, pinili pa rin niyang isauli ang anak niya sa Diyos. Bakit niya isasauli si Isaac sa Diyos? Noong hindi pa hiningi ng Diyos kay Abraham na gawin ito, walang dahilan para kusang loob niyang isauli ang anak niya, pero dahil hiningi na ito ng Diyos, kailangan niyang isauli ang anak niya sa Diyos, walang pwedeng idahilan, at hindi niya dapat subukang mangatwiran sa Diyos—ito ang saloobing pinanghawakan ni Abraham. Nagpasakop siya sa Diyos nang may ganitong uri ng dalisay na puso. Ito ang ninais ng Diyos at ito ang ginustong makita ng Diyos. Ang pag-uugali ni Abraham at ang nakamit niya pagdating sa usapin ng paghahandog kay Isaac ang mismong gustong makita ng Diyos, at ang usaping ito ay ang pagsubok at pagkumpirma ng Diyos sa kanya. At gayumpaman, hindi tinrato ng Diyos si Abraham tulad ng naging pagtrato Niya kay Noe. Hindi sinabi ng Diyos kay Abraham ang mga dahilan sa likod ng usaping ito, ang proseso, o ang lahat ng tungkol dito. Isang bagay lang ang alam ni Abraham, ito ay na hiningi ng Diyos sa kanya na isauli si Isaac—iyon lang. Hindi niya alam na sa paggawa nito, sinusubok siya ng Diyos, ni hindi niya alam kung ano ang gustong makamit ng Diyos sa kanya at sa kanyang mga inapo matapos siyang sumailalim sa pagsubok na ito. Hindi sinabi ng Diyos kay Abraham ang anuman sa mga ito, binigyan lang siya ng simpleng utos, isang kahilingan. At kahit na napakasimple ng mga salitang ito ng Diyos, at walang pagsasaalang-alang sa mga damdamin ng tao, natupad ni Abraham ang mga inaasahan ng Diyos sa pamamagitan ng paggawa ng kagustuhan at hinihingi ng Diyos: Inihandog niya si Isaac bilang sakripisyo sa altar. Ang bawat galaw niya ay nagpakita na ang paghahandog niya kay Isaac ay hindi pagraos lang sa mga bagay-bagay, na hindi niya ito ginagawa nang pabasta-basta, bagkus ay ginagawa niya ito nang tapat, at nang mula sa kaibuturan ng puso niya. Kahit na hindi niya kayang isuko si Isaac, kahit na masakit ito sa kanya, nang maharap siya sa hinihingi ng Lumikha, pinili ni Abraham ang paraang walang sinumang tao ang makakagawa: ganap na pagpapasakop sa hinihingi ng Lumikha, pagpapasakop nang walang pakikipagkompromiso, walang mga pagdadahilan, at walang anumang kondisyon—kumilos siya nang ayon mismo sa hiningi ng Diyos. At ano ang taglay ni Abraham, nang magawa niya ang hiningi ng Diyos? Sa isang banda, nasa loob niya ang tunay na pananalig sa Diyos; tiyak siya na ang Lumikha ay Diyos, ang Diyos niya, ang Panginoon niya, ang Siyang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay at ang lumikha ng sangkatauhan. Ito ay tunay na pananalig. Sa isa pang banda, mayroon siyang dalisay na puso. Sumampalataya siya sa bawat salitang binigkas ng Lumikha, at nagawa niyang tanggapin nang simple at direkta ang bawat salitang binigkas ng Diyos. Pero sa isa pang aspekto, gaano man kahirap ang hiningi ng Lumikha, gaano man ito kasakit sa kanya, ang saloobing pinili niya ay pagpapasakop, hindi ang pagtatangkang mangatwiran sa Diyos, o lumaban, o tumanggi, kundi kompleto at ganap na pagpapasakop, pagkilos at pagsasagawa ayon sa hiningi ng Diyos, ayon sa bawat salita Niya, at sa utos na ibinigay Niya. Katulad ng hiningi at ginustong makita ng Diyos, inihandog ni Abraham si Isaac bilang sakripisyo sa altar, inihandog niya si Isaac sa Diyos—at nagpatunay ang lahat ng ginawa niya na pinili ng Diyos ang tamang tao, at na sa mata ng Diyos, matuwid siya.

Anong aspekto ng disposisyon at diwa ng Lumikha ang nabunyag nang hiningi ng Diyos kay Abraham na ihandog si Isaac? Na tinatrato ng Diyos iyong mga matuwid, iyong mga kinikilala Niya, nang ganap na ayon sa sarili Niyang mga hinihinging pamantayan, na ganap na naaayon sa disposisyon at diwa Niya. Walang pwedeng maging pakikipagkompromiso sa mga pamantayang ito; hindi pwedeng humigit-kumulang na matugunan ang mga ito. Ang mga pamantayang ito ay dapat matugunan nang eksakto. Hindi sapat para sa Diyos na makita ang matutuwid na gawang ginagampanan ni Abraham sa kanyang pang-araw-araw na buhay, hindi pa namamasdan ng Diyos ang tunay na pagpapasakop ni Abraham sa Kanya, at ito ang dahilan kaya ginawa ng Diyos ang Kanyang ginawa. Bakit ginusto ng Diyos na makita ang tunay na pagpapasakop ni Abraham? Bakit Niya isinailalim si Abraham sa huling pagsubok na ito? Dahil, gaya ng nalalaman nating lahat, gusto ng Diyos na si Abraham ang maging ama ng lahat ng bansa. Ang “ama ng lahat ng bansa” ba ay isang titulo na kayang pasanin ng sinumang ordinaryong tao? Hindi. May mga hinihinging pamantayan ang Diyos, at ang mga pamantayang hinihingi Niya sa sinumang nais Niyang gawing perpekto, at gayundin sa sinumang nakikita Niyang matuwid, ay pareho: tunay na pananalig at ganap na pagpapasakop. Dahil nais ng Diyos na gawin kay Abraham ang gayon kadakilang bagay, basta na lang ba Niyang gagawin ito nang hindi nakikita ang dalawang bagay na ito kay Abraham? Tiyak na hindi. Kaya, pagkatapos siyang bigyan ng Diyos ng isang anak, hindi maiiwasan na pagdaraanan ni Abraham ang gayong pagsubok; ito ang itinakda ng Diyos na gawin, at ang pinlano ng Diyos na gawin noon pa man. Nang umayon na ang mga bagay sa kahilingan ng Diyos, at natugunan na ni Abraham ang mga hinihingi ng Diyos, saka lang nagsimulang planuhin ng Diyos ang susunod na hakbang ng Kanyang gawain: gawing kasindami ng mga bituin sa langit at buhangin sa dalampasigan ang mga inapo ni Abraham—kaya siya ang naging ama ng lahat ng bansa. Hangga’t hindi pa nalalaman at natutupad ang kalalabasan ng hiling ng Diyos kay Abraham na isakripisyo si Isaac, hindi kikilos nang basta-basta ang Diyos; pero nang matupad na ito, natugunan ng taglay ni Abraham ang mga pamantayan ng Diyos, na nangangahulugang matatanggap niya ang lahat ng pagpapalang pinlano ng Diyos para sa kanya. Kung gayon, mula sa paghahandog kay Isaac, makikita na ang Diyos ay may mga inaasahan at hinihinging pamantayan sa mga tao para sa anumang gawaing ginagawa Niya sa kanila, o sa anumang papel na hinihingi Niyang gampanan nila, o anumang atas na hinihingi Niyang tanggapin nila sa Kanyang plano ng pamamahala. May dalawang uri ng resulta sa mga inaasahan ng Diyos sa mga tao: Ang isa ay kung hindi mo magagawa ang hinihingi Niya sa iyo, matitiwalag ka; ang isa pa ay kung magagawa mo iyon, ipapagpatuloy ng Diyos na tuparin sa iyo ang gusto Niyang gawin alinsunod sa plano Niya. Ang tunay na pananalig at ganap na pagpapasakop na hinihingi ng Diyos sa mga tao ay, sa realidad, hindi masyadong mahirap para sa mga tao na makamit. Pero madali o mahirap man ang mga ito, may dalawang bagay, para sa Diyos, na dapat matagpuan sa mga tao. Kung magagawa mong matugunan ang pamantayang ito, makikita ng Diyos na sapat ka, at wala na Siyang hihingin pa; kung hindi mo magagawa iyon, ibang usapin na iyon. Ang katunayang hiniling ng Diyos kay Abraham na ihandog ang anak niya ay nagpapakita na hindi Niya itinuring na ang kailangan lang ay nagtataglay si Abraham sa oras na iyon ng may-takot-sa-Diyos na puso at tunay na pananalig sa Kanya, na ang “humigit-kumulang” ay sapat na. Tiyak na hindi iyon ang pamamaraan ng paghingi ng Diyos; humihingi Siya ayon sa paraan Niya, at ayon sa kayang makamit ng mga tao, at hindi pwedeng makipagtawaran tungkol dito. Hindi ba’t ito ang kabanalan ng Diyos? (Ito nga.) Gayon ang kabanalan ng Diyos.

Maging ang isang mabuting tao na gaya ni Abraham, na dalisay, may tunay na pananalig, at nagtataglay ng pagkamakatwiran, ay kinailangang tanggapin ang pagsubok ng Diyos—kaya sa mata ng sangkatauhan, hindi ba’t parang walang pagsasaalang-alang sa mga damdamin ng tao ang pagsubok na ito? Pero ang kawalang ito ng pagsasaalang-alang sa mga damdamin ng tao ang mismong pagpapamalas ng disposisyon at diwa ng Diyos, at sumailalim si Abraham sa ganitong uri ng pagsubok. Sa pagsubok na ito, ipinakita ni Abraham sa Diyos ang kanyang di-mapagkompromisong pananalig at di-mapagkompromisong pagpapasakop sa Lumikha. Nakapasa si Abraham sa pagsubok. Sa karaniwan, hindi kailanman naranasan ni Abraham ang anumang pagbabago sa kapalaran, pero pagkatapos siyang subukin ng Diyos nang ganito, napatunayang totoo ang karaniwang pananalig at pagpapasakop niya; hindi ito panlabas, hindi ito isang islogan. Na may kakayahan pa rin si Abraham na magpakita ng di-mapagkompromisong pagpapasakop sa ilalim ng ganitong pangyayari—matapos magsalita ng gayong mga salita at gumawa ng gayong hinihingi ang Diyos sa kanya—ay tiyak na nangangahulugan ng isang bagay: Sa puso ni Abraham, ang Diyos ay Diyos, at mananatiling Diyos magpakailanman; hindi magbabago ang pagkakakilanlan at diwa ng Diyos anuman ang mga nagbabagong salik. Sa puso niya, ang mga tao ay mananatiling tao magpakailanman at wala silang karapatang makipagtalo, sumubok na mangatwiran, o makipagkumpetensiya sa Lumikha, ni wala silang karapatang analisahin ang mga salitang sinabi ng Lumikha. Naniwala si Abraham na pagdating sa mga salita ng Lumikha o sa anumang hiningi ng Lumikha, walang karapatang pumili ang mga tao; ang tanging bagay na dapat nilang gawin ay magpasakop. Napakalinaw ng saloobin ni Abraham—mayroon siyang tunay na pananalig sa Diyos, at nagbunga ang kanyang tunay na pananalig ng tunay na pagpapasakop, kaya anuman ang gawin o hilingin sa kanya ng Diyos, o anumang gawa ang isinagawa ng Diyos, isang bagay man ito na nakita, narinig, o personal na naranasan ni Abraham, wala sa mga ito ang makakaapekto sa tunay niyang pananalig sa Diyos, lalong hindi ito makakaapekto sa mapagpasakop na saloobin niya sa Diyos. Nang sabihin ng Lumikha ang isang bagay na walang pagsasaalang-alang sa mga damdamin ng tao, isang bagay na hindi makatarungang hingin sa tao, gaano man karaming tao ang nainis sa mga salitang ito, lumaban sa mga ito, nag-analisa at sumuri sa mga ito, o nilait pa nga ang mga ito, nanatiling hindi nababahala ang saloobin ni Abraham sa kapaligiran ng mundo sa labas. Hindi nagbago ang pananalig at pagpapasakop niya sa Diyos, at ang mga ito ay hindi lang mga salitang sinambit mula sa kanyang bibig, o mga pormalidad; sa halip, gumamit siya ng mga katunayan para patunayang ang Diyos na pinaniniwalaan niya ay ang Lumikha, na ang Diyos na pinaniniwalaan niya ay ang Diyos sa langit. Ano ang nakikita natin mula sa lahat ng ipinamalas ni Abraham? Nakikita ba natin ang mga pagdududa niya sa Diyos? Nagkaroon ba siya ng mga pagdududa? Sinuri ba niya ang mga salita ng Diyos? Inanalisa ba niya ang mga ito? (Hindi.) Sinasabi ng ilang tao, “Kung hindi niya sinuri o inanalisa ang mga salita ng Diyos, bakit siya nababagabag?” Hindi mo ba siya pinapayagang mabagabag? Nakaramdam siya ng labis na pagkabagabag pero nagawa pa rin niyang magpasakop—kaya mo pa bang magpasakop kahit hindi ka nababagabag? Gaano nga ba kalaki ang pagpapasakop sa loob mo? Ang katunayang ang ganitong paghihirap at pasakit ay walang epekto sa pagpapasakop ni Abraham ay nagpapatunay na ang pagpapasakop na ito ay totoo, na hindi ito kasinungalingan. Ito ang patotoo sa Diyos ng isang nilikhang tao sa harap ni Satanas, sa harap ng lahat ng bagay, sa harap ng lahat ng nilikha, at napakamakapangyarihan, napakahalaga ng patotoong ito!

Sa mga kuwento nina Noe at Abraham, at sa kwento ni Job, ano ba ang nasa pag-uugali at pananalita nila, sa saloobin at bawat salita at gawa nila nang sumapit sa kanila ang mga salita at kilos ng Diyos, ang labis na nakaantig sa mga susunod na henerasyon? Ang pinaka-nakaantig sa mga tao hinggil sa saloobin ng tatlong indibiduwal na ito sa mga salita ng Diyos, at sa pag-uugali, pananalita, at saloobin nila pagkatapos nilang marinig ang mga salita ng Diyos, at pagkatapos marinig ang iniutos at hiningi ng Diyos, ay kung gaano kadalisay at katatag ang sinseridad nila sa Diyos, ang Lumikha. Sa mga tao ngayon, ang kadalisayan at katatagang ito ay puwedeng tawaging kamangmangan at pagkahumaling; pero para sa Akin, ang kadalisayan at katatagan nila ang pinaka-nakakapukaw at pinaka-nakakaantig na bagay tungkol sa kanila, at higit pa rito, ang mga bagay na tila hindi kayang abutin ng ibang tao. Mula sa mga indibiduwal na ito, tunay Kong naunawaan at nasaksihan kung ano ang hitsura ng isang mabuting tao; mula sa pag-uugali at pananalita nila, pati na rin ang saloobin nila nang naharap sa mga salita ng Diyos, at nang napakinggan nila ang mga salita ng Diyos, nakikita Ko kung ano ang mga katangian ng mga taong itinuturing ng Diyos na matuwid at perpekto. At ano ang pinakakapansin-pansing pakiramdam na naranasan Ko matapos basahin at unawain ang mga kuwento ng mga taong ito? Ito ay ang malalim na paggunita, pagkagiliw, at paghanga sa mga indibidwal na ito. Hindi ba’t isa itong pakiramdam ng pagkaantig? Bakit mayroon Akong ganitong uri ng pakiramdam? Sa kabuuan ng mahabang kasaysayan ng sangkatauhan, wala pang aklat ng kasaysayan na nakatuon sa pagtatala, pagpupuri, at pagpapalaganap sa mga kuwento ng tatlong taong ito, ni wala pang sinuman ang gumamit ng mga kuwento nila para turuan ang mga susunod na henerasyon, walang tumatrato sa kanila bilang mga taong dapat tularan ng mga susunod na henerasyon. Pero may isang bagay na hindi alam ng mga tao sa mundo: Sa iba’t ibang panahon, nakarinig ng iba’t ibang bagay mula sa Diyos ang bawat isa sa tatlong taong ito, nakatanggap ng iba’t ibang atas mula sa Diyos ang bawat isa sa kanila, iba’t iba ang mga hiningi ng Diyos sa bawat isa sa kanila, gumawa ng magkakaibang bagay para sa Diyos ang bawat isa, at tinapos nila ang iba’t ibang gawaing ipinagkatiwala sa kanila ng Diyos—pero isang bagay ang pareho sa kanilang lahat. Ano ito? Nakatugon silang lahat sa mga inaasahan ng Diyos. Pagkatapos nilang marinig magsalita ang Diyos, nagawa nilang tanggapin ang ipinagkatiwala at hiningi sa kanila ng Diyos, at pagkatapos niyon, nagawa nilang magpasakop sa lahat ng sinabi ng Diyos, nagawa nilang magpasakop sa bawat bagay na narinig nilang hinihingi sa kanila ng Diyos. Ano ang ginawa nila na tumugon sa mga inaasahan ng Diyos? Sa lahat ng sangkatauhan, naging mga huwaran sila sa pakikinig, pagtanggap, at pagpapasakop sa mga salita ng Diyos, at sa pagbibigay ng matunog na patotoo sa Diyos sa harap ni Satanas. Dahil mga huwaran sila para sa sangkatauhan, at perpekto at matuwid sila sa mata ng Diyos, ano, sa huli, ang pinakamahalagang impormasyong ipinapahiwatig nito sa atin? Na ito ang uri ng tao na gusto ng Diyos, isang tao na may kakayahang maarok ang sinasabi ng Diyos, na ginagamit ang puso niya para makinig, makaarok, makasumpong, makaunawa, at magpasakop at tumupad sa mga salita ng Lumikha; mahal ng Diyos ang ganitong uri ng tao. Kahit gaano pa kahirap ang mga tukso at pagsubok na ibinibigay sa kanya ng Diyos bago pinagtibay ng Diyos ang mga matuwid na gawa niya, kapag nagbigay siya ng matunog na patotoo sa Diyos, siya ang nagiging pinakamahalaga sa mga kamay ng Diyos, at ang mabubuhay magpakailanman sa mata ng Diyos. Ito ang katunayang ipinapakita nito sa atin. Ito ang nais Kong sabihin sa inyo sa pamamagitan ng pagbabahagi tungkol sa mga kuwento nina Noe at Abraham, at ito ang dapat ninyong maunawaan. Ang implikasyon nito ay na iyong mga taong hindi pa rin nauunawaan ang mga salita ng Lumikha, at hindi pa rin alam na responsabilidad, obligasyon, at tungkulin nila ang pakikinig sa mga salita ng Lumikha, at hindi alam na ang pagtanggap at pagpapasakop sa mga salita ng Lumikha ay ang saloobing dapat mayroon ang mga nilikhang tao, gaano man karaming taon na silang sumusunod sa Diyos—ang gayong mga tao ang ititiwalag ng Diyos. Ayaw ng Diyos sa gayong mga tao, kinasusuklaman Niya ang gayong mga tao. Kaya, gaano nga ba karaming tao ang sa huli ay kayang makinig, tumanggap, at ganap na magpasakop sa mga salita ng Lumikha? Kung ilan man ang may kaya. Iyong mga sumusunod sa Diyos sa loob ng maraming taon pero namumuhi pa rin sa katotohanan, walang takot na lumalabag sa mga prinsipyo, at na hindi kayang tumanggap at magpasakop sa mga salita ng Diyos, sinabi man ang mga ito sa laman o sa espirituwal na mundo, ay haharap sa iisang kalalabasan sa huli: pagkatiwalag.

Tatlumpung taon na ngayon mula nang magkatawang-tao ang Diyos at pumarito para gumawa sa lupa. Nagsalita Siya ng maraming salita at nagpahayag ng maraming katotohanan. Paano man Siya magsalita, anumang paraan ang ginagamit Niya sa pagsasalita, at kahit gaano karami ang nilalaman ng mga salita Niya, iisa lang ang hinihingi Niya sa mga tao, na magawa nilang makinig, tumanggap, at magpasakop. Gayumpaman, maraming hindi makaarok o makapagsagawa sa pinakasimpleng hinihinging ito. Malaking problema ito, at ipinapakita nito na ang sangkatauhan ay lubhang naging tiwali, hirap na hirap sa pagtanggap sa katotohanan, at hindi madaling maligtas. Kahit ngayon, sa konteksto ng pagkilala ng mga tao na nilikha ng Diyos ang tao at ang katunayang ang Diyos na nagkatawang-tao ay ang Diyos Mismo, sumasalungat at lumalaban pa rin sa Diyos ang mga tao at tinatanggihan nila ang salita ng Diyos at ang mga hinihingi Niya. Sinusuri, inaanalisa, tinatanggihan, at binabalewala pa nila ang mga salitang sinasabi ng nagkatawang-taong Diyos, nang hindi nauunawaan kung paano dapat tratuhin ng mga nilikha ang salita ng Diyos at kung ano ang dapat nilang saloobin sa salita ng Diyos. Tunay na nakakalungkot ito. Kahit ngayon, hindi alam ng mga tao kung sino sila, kung anong posisyon ang dapat nilang tindigan, o kung ano ang dapat nilang gawin. Palagi pang nagrereklamo ang ilang tao tungkol sa Diyos, sinasabing, “Bakit palaging nagpapahayag ng mga katotohanan ang Diyos sa Kanyang gawain? Bakit palagi Niyang hinihingi na tanggapin namin ang katotohanan? Kapag nagsasalita at gumagawa ang Diyos, dapat kumonsulta muna Siya sa amin, at hindi Niya kami dapat palaging pinahihirapan. Wala kaming dahilan para sumunod sa Kanya nang lubusan, gusto namin ng karapatang pantao at kalayaan, dapat pagbotohan namin sa pamamagitan ng pagtaas ng kamay ang mga hinihingi ng Diyos sa amin, at dapat din kaming mag-usap-usap lahat at magkasundo. Dapat magpatupad ng demokrasya ang sambahayan ng Diyos at dapat magpasya nang sama-sama ang lahat.” Kahit ngayon, maraming tao ang may ganitong pananaw, at bagama’t hindi nila ito sinasabi nang hayagan, pinanghahawakan nila ito sa puso nila. Kung wala Akong karapatang humingi ng anuman sa iyo, kung wala Akong karapatang hingin na sundin mo ang sinasabi Ko, at hingin ang ganap mong pagpapasakop sa sinasabi Ko, kung gayon, sino ang may karapatan? Kung naniniwala ka na may karapatan ang Diyos sa langit na gawin ito, at na may karapatan ang Diyos sa langit na kausapin ka mula sa kalangitan sa pamamagitan ng kulog, aba, mabuti! Ibig sabihin, hindi Ko na kailangang maging matiyaga at taimtim o magsayang ng hininga Ko sa pakikipag-usap sa iyo—ayaw Ko nang magsalita pa sa iyo. Kung naniniwala ka na may karapatan ang Diyos sa langit na kausapin ka mula sa kalangitan, mula sa mga ulap, kung gayon, sige at makinig ka, hanapin mo ang mga salita Niya—hintayin mo ang Diyos sa langit na magsalita sa iyo mula sa kalangitan, sa mga ulap, sa gitna ng apoy. Pero may isang bagay na dapat malinaw sa iyo: Kung dumating nga ang araw na iyon, dumating na rin ang oras ng kamatayan mo. Mas mabuting huwag na lang dumating ang araw na iyon. “Mas mabuting huwag na lang dumating ang araw na iyon”—ano ang ibig sabihin ng mga salitang ito? Naging tao ang Diyos para personal na kausapin ang tao nang harapan sa lupa, para ipahayag ang mga katotohanan na nagsasabi sa mga tao ng lahat ng dapat nilang gawin, pero mapanlait at walang pakialam ang mga tao; sa puso nila, palihim silang lumalaban at nakikipagtunggali sa Diyos. Ayaw nilang makinig, naniniwala silang walang karapatan ang Diyos sa lupa na subukang pamahalaan ang mga tao. Nasisiyahan o naiinis ba ang Diyos sa saloobing ito ng mga tao? (Naiinis Siya.) At ano ang gagawin ng Diyos kapag naiinis Siya? Mahaharap sa poot ng Diyos ang mga tao—naiintindihan ninyo ito, hindi ba? Ang poot ng Diyos, hindi ang pagsubok ng Diyos; magkaibang konsepto ang dalawang ito. Kapag dumating ang poot ng Diyos sa mga tao, nasa panganib sila. Sa palagay ninyo, napopoot ba ang Diyos sa mga minamahal Niya? Napopoot ba Siya sa mga karapat-dapat na mamuhay sa liwanag ng presensiya Niya? (Hindi.) Sa anong klase ng tao napopoot ang Diyos? Sa mga sumunod sa Kanya nang maraming taon pero hindi pa rin nauunawaan ang mga salita Niya, na hindi pa rin alam na dapat silang makinig sa mga salita ng Diyos, na walang kamalayang tumanggap at magpasakop sa mga salita ng Diyos, tutol at nasusuklam ang Diyos sa mga gayong tao, at ayaw Niya silang iligtas. Nauunawaan ninyo ito, hindi ba? Kaya, ano ang dapat na saloobin ng mga tao sa Diyos, sa Diyos na nagkatawang-tao, at sa katotohanan? (Dapat kaming makinig, tumanggap, at magpasakop.) Tama iyan. Dapat kayong makinig, tumanggap, at magpasakop. Wala nang mas sisimple pa kaysa rito. Pagkatapos makinig, dapat tanggapin ninyo ito sa inyong puso. Kung hindi ninyo kayang tanggapin ang isang bagay, dapat patuloy kayong maghanap hanggang kaya na ninyo ang ganap na pagtanggap—pagkatapos, sa sandaling matanggap na ninyo ito, dapat kayong magpasakop. Ano ang ibig sabihin ng magpasakop? Ang ibig sabihin nito ay isagawa at tuparin. Huwag isawalang-bahala ang mga bagay pagkatapos marinig ang mga ito, nangangakong gagawin ang mga ito sa panlabas, isinusulat ang mga ito, itinatala ang mga ito sa papel, pinapakinggan ang mga ito gamit ang mga tainga ninyo, pero hindi isinasapuso ang mga ito, at patuloy lang sa dati ninyong gawi at ginagawa kung ano ang gusto ninyo kapag dumating ang oras na kailangan nang kumilos, isinasantabi ang isinulat ninyo at itinuturing itong hindi mahalaga. Hindi ito pagpapasakop. Ang tunay na pagpapasakop sa mga salita ng Diyos ay nangangahulugan ng pakikinig sa mga ito at pag-arok sa mga ito nang buo ninyong puso, at tunay na pagtanggap sa mga ito—pagtanggap sa mga ito bilang hindi maiiwasang responsabilidad. Hindi lang ito bastang pagsasabi na tinatanggap ng isang tao ang mga salita ng Diyos; sa halip, pagtanggap ito sa mga salita Niya nang mula sa puso, ginagawang mga praktikal na pagkilos ang pagtanggap ninyo sa mga salita Niya at ipinapatupad ang mga salita Niya, nang walang anumang paglihis. Kung ang iniisip mo, nilalayon mo, at ang halagang ibinabayad mo ay lahat para matugunan ang mga hinihingi ng Diyos, pagpapatupad iyan sa mga salita ng Diyos. Ano ang ibig sabihin ng “pagpapasakop”? Pagsasagawa at pagpapatupad ang ibig sabihin nito, ginagawang realidad ang mga salita ng Diyos. Kung isusulat mo ang mga salitang sinasabi ng Diyos at ang mga hinihingi Niya sa isang kuwaderno at sa papel, pero hindi mo itinatala ang mga ito sa puso mo, at ginagawa mo ang gusto mo kapag dumating na ang oras para kumilos, at sa panlabas, parang ginawa mo lang ang hiningi ng Diyos, pero ginawa mo ito ayon sa sarili mong kalooban, kung gayon, hindi ito pakikinig, pagtanggap, at pagpapasakop sa mga salita ng Diyos, pagkamuhi ito sa katotohanan, hayagang paglabag sa mga prinsipyo, at pagbabalewala sa mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos. Paghihimagsik ito.

Nang minsan, ipinagkatiwala Ko sa isang tao na gawin ang isang bagay. Habang ipinaliliwanag Ko ang gawain sa kanya, maingat niya itong itinatala sa kanyang kuwaderno. Nakita Ko kung gaano siya kaingat sa pagtala nito—tila nakadarama siya ng pasanin para sa gawain, at mayroon siyang maingat at responsableng saloobin. Nang maipaliwanag Ko na ang trabaho sa kanya, naghintay na Ako ng ulat; dalawang linggo ang lumipas subalit hindi pa rin siya nagpadala ng mensahe. Kaya, nagkusa Akong hanapin siya, at kinumusta Ko ang trabahong ibinigay Ko sa kanya. Sabi niya, ‘Naku—nakalimutan ko! Sabihin Mo nga ulit sa akin.’ Ano ang naramdaman ninyo sa sagot niya? Ganyan ang uri ng saloobin niya kapag gumagawa ng trabaho. Naisip Ko, ‘Talagang hindi mapagkakatiwalaan ang taong ito. Lumayo ka sa Akin, bilis! Ayaw na kitang makitang muli!’ Gayon ang naramdaman Ko. Kaya, sasabihin Ko sa inyo ang isang katunayan: Hindi ninyo dapat kailanman iugnay ang mga salita ng Diyos sa mga kasinungalingan ng isang manloloko—ang paggawa niyon ay kasuklam-suklam sa Diyos. May ilang nagsasabi na ginagawa nila ang mga ipinapangako nila, na tinutupad nila ang sinasabi nila. Kung gayon nga, pagdating sa mga salita ng Diyos, magagawa kaya nila ang mga sinasabi ng mga salitang iyon kapag narinig nila ang mga iyon? Maipapatupad ba nila ang mga iyon nang kasing-ingat sa paggawa nila ng mga personal nilang gawain? Bawat pangungusap ng Diyos ay mahalaga. Hindi Siya nagsasalita nang pabiro. Ang sinasabi Niya ay kailangang gawin at ipatupad ng mga tao. Kapag nagsasalita ang Diyos, kinokonsulta ba Niya ang mga tao? Siguradong hindi. Tinatanong ka ba Niya ng mga bagay na may mga pagpipilian? Siguradong hindi. Kung matatanto mo na ang mga salita at atas ng Diyos ay mga utos, na kailangang gawin ng tao ang sinasabi ng mga ito at ipatupad ang mga iyon, obligasyon mong ipatupad at isagawa ang mga iyon. Kung iniisip mo na biro lang ang mga salita ng Diyos, mga kaswal na salita lamang na maaaring gawin—o hindi gawin—anuman ang gusto ng isang tao, at gayon ang trato mo sa mga ito, wala kang katwiran at hindi ka nararapat na tawaging tao. Hindi ka na kakausaping muli ng Diyos kailanman. Kung ang isang tao ay palaging gumagawa ng sarili niyang mga pagpapasya pagdating sa mga hinihingi ng Diyos, sa Kanyang mga utos at sa Kanyang atas, at tinatrato niya ang mga ito nang may pabasta-bastang saloobin, isa siyang uri ng tao na kinamumuhian ng Diyos. Sa mga bagay na direkta Kong inuutos at ipinagkakatiwala sa iyo, kung palagi mong kailangan na pangasiwaan kita at himukin, subaybayan, palagi mo Akong pinag-aalala at pinagtatanong, na kinakailangan Ko pang siyasatin ang lahat para sa iyo sa bawat pagkakataon, kailangan kang itiwalag. Marami ang ganitong uri ng tao sa mga kasalukuyang itiniwalag mula sa sambahayan ng Diyos. Tinuturuan Ko sila ng ilang bagay at tinatanong Ko sila pagkatapos: “Naunawaan mo ba ang lahat ng iyon? Malinaw ba ito? May mga tanong ka ba?” Tumutugon naman sila: “Naunawaan ko ang lahat, walang problema rito, walang dapat alalahanin!” Madali silang sumasang-ayon na gawin ang mga ito, inilalagay pa nila ang kamay nila sa dibdib at ipinapanumpa ito sa Akin. Pero tinutupad ba talaga nila ang mga bagay na ito pagkatapos nilang sumang-ayon? Hindi, basta na lang silang nawawala na parang bula at wala nang balita sa kanila. Ginagawa nila kaagad ang mga bagay na gusto nila, kumikilos nang mabilis at walang alinlangan. Madali nilang sinasang-ayunan ang mga bagay na ipinagkakatiwala Ko sa kanila, pero binabalewala na lang nila ito pagkatapos, at kapag kinukumusta Ko sila tungkol dito kalaunan, nalalaman Ko na wala silang anumang ginawa. Walang anumang konsensiya o katwiran ang ganitong klase ng tao. Wala silang silbi at hindi sila karapat-dapat sa paggawa ng tungkulin. Mas masahol pa sila sa isang baboy o aso. Kapag may alagang bantay na aso ang isang tao, kapag wala sa bahay ang tao, nakakatulong ang aso na bantayan ang bahay at bakuran kapag may dumarating na mga estranghero. Maraming tao ang hindi man lang kasinghusay ng mga aso sa paggawa ng mga bagay. May mga tao na palaging kailangang may nagbabantay sa kanila para lang magawa nila kahit kaunting bahagi ng kanilang tungkulin, at palaging kailangang may nagpupungos sa kanila, at nagmamasid sa kanila bago sila gumawa ng anumang bagay. Paggawa ba ito ng tungkulin? Sinungaling ang mga taong ito! Kung hindi naman pala nilang planong gawin ito, bakit sila sumang-ayon dito? Hindi ba’t sadya itong panlilinlang sa mga tao? Kung naisip nilang magiging mahirap ang gawain, bakit hindi nila sinabi agad? Bakit sila nangako na isasagawa nila ito at pagkatapos ay hindi naman nila ginawa? Kung nililinlang nila ang ibang tao, walang magagawa ang mga tao sa kanila, pero kung nililinlang nila ang Diyos, ano ang mga kahihinatnan? Ang ganitong uri ng tao ay dapat pangasiwaan at itiwalag! Sa palagay ninyo, hindi ba’t masasamang tao ang mga namumuhi sa katotohanan at hayagang lumalabag sa mga prinsipyo? Masasamang tao silang lahat, mga demonyo silang lahat, at dapat silang itiwalag! Dahil ang mga taong ito ay kumikilos nang walang pakundangan, lumalabag sa mga prinsipyo, mapaghimagsik at suwail, nagtatatag ng sarili nilang kaharian, at dahil tamad at iresponsable sila, nagdulot sila ng malalaking kawalan sa iglesia! Sino ang makakapagbayad ng mga gayong kawalan? Walang sinuman ang makakayang akuin ang gayong responsabilidad. Ang mga taong ito ay nagrereklamo at nananatiling hindi kumbinsido at hindi nasisiyahan kapag pinupungusan sila. Hindi ba’t mga hindi makatwirang diyablo ang mga taong ito? Talagang wala na silang pag-asa at dapat matagal na silang itiniwalag!

Nauunawaan ba ninyo kung ano ang punto ng mga kuwento nina Noe at Abraham na pinagbahaginan natin ngayon? Napakahirap ba ng hinihingi ng Diyos sa tao? (Hindi.) Ang hinihingi ng Diyos sa tao ang pinakamahalaga sa isang nilikhang tao; hindi ito mahirap, at ito ay pinakapraktikal at napakamakatotohanan. Dapat may tunay na pananalig at ganap na pagpapasakop ang mga tao para sang-ayunan sila ng Diyos; tanging ang mga nagtataglay ng dalawang bagay na ito ang tunay na naliligtas. Pero para sa mga lubhang naging tiwali, iyong mga namumuhi sa katotohanan at tutol sa mga positibong bagay, at para sa mga mapanlaban sa katotohanan, wala nang mas mahirap pa kaysa sa dalawang bagay na ito! Makakamit lang ito ng mga may dalisay at bukas na puso sa Diyos, iyong mga may taglay na pagkatao, katwiran, at konsensiya, at nagmamahal sa mga positibong bagay. Taglay ba ninyo ang mga bagay na ito? At kanino matatagpuan ang pagtitiyaga at kadalisayan na dapat taglayin ng mga tao? Sa usapin ng edad, lahat kayong nakaupo rito ay mas bata kaysa kina Noe at Abraham, pero pagdating sa kadalisayan, hindi kayo maikukumpara sa kanila. Wala sa inyo ang kadalisayan, katalinuhan, at karunungan; pero sa kabilang banda, mayaman kayo sa maliliit na panlalansi. Kaya, paano malulutas ang problemang ito? Mayroon bang anumang paraan para matupad ang mga hinihingi ng Diyos? Mayroon bang landas? Saan magsisimula? (Sa pamamagitan ng pakikinig sa mga salita ng Diyos.) Tama iyan: sa pagkatutong makinig at magpasakop. Sinasabi ng ilang tao, “Minsan, ang sinasabi ng Diyos ay hindi ang katotohanan, at hindi madaling magpasakop sa mga ito. Kung nagsasabi ang Diyos ng ilang salita ng katotohanan, magiging madali ang pagpapasakop.” Tama ba ang mga salitang ito? (Hindi.) Ano ang natuklasan ninyo sa mga kuwento nina Noe at Abraham na tinalakay natin ngayon? Nakatalagang tungkulin ng tao ang pagsunod sa salita ng Diyos at pagpapasakop sa mga hinihingi ng Diyos. At kung may sinasabi ang Diyos na hindi ayon sa mga kuru-kuro ng tao, hindi ito dapat analisahin o siyasatin ng tao. Sinuman ang kinokondena o itinitiwalag ng Diyos, gaano man karaming tao ang magkakaroon ng mga kuru-kuro at paglaban, hindi magbabago magpakailanman ang pagkakakilanlan ng Diyos, ang diwa Niya, ang disposisyon Niya, at ang katayuan Niya. Siya ay Diyos magpakailanman. Dahil wala kang pag-aalinlangan na Siya ang Diyos, ang tangi mong responsabilidad, ang tanging bagay na dapat mong gawin, ay sundin ang sinasabi Niya at magsagawa ayon sa salita Niya; ito ang landas ng pagsasagawa. Hindi dapat magsiyasat, mag-analisa, magtalakay, tumanggi, kumontra, maghimagsik, o magtakwil ang isang nilikha sa mga salita ng Diyos; kinamumuhian ito ng Diyos, at hindi ito ang nais Niyang makita sa tao. Paano nga ba dapat tratuhin ang mga salita ng Diyos? Paano mo ito dapat isagawa? Ang totoo, napakasimple nito: matutong sumunod sa mga ito, pakinggan ang mga ito gamit ang puso mo, tanggapin ang mga ito gamit ang puso mo, unawain at arukin ang mga ito gamit ang puso mo, at pagkatapos ay isagawa at ipatupad ang mga ito gamit ang puso mo. Ang naririnig at naaarok mo sa puso mo ay dapat na malapit na konektado sa pagsasagawa mo. Huwag paghiwalayin ang dalawang ito; lahat ng bagay—ang isinasagawa mo, kung saan ka nagpapasakop, ang ginagawa mo mismo, lahat ng pinagsusumikapan mo—ay dapat na nauugnay sa mga salita ng Diyos, pagkatapos, dapat kang magsagawa ayon sa mga salita Niya at ipatupad ang mga ito sa pamamagitan ng mga kilos mo. Iyon ang ibig sabihin ng pagpapasakop sa mga salita ng Lumikha. Ito ang landas ng pagsasagawa sa mga salita ng Diyos.

Hulyo 18, 2020

Sinundan: Ikalawang Ekskorsus: Kung Paano Nakinig sina Noe at Abraham sa mga Salita ng Diyos at Sumunod sa Kanya (Unang Bahagi)

Sumunod: Ikasampung Aytem: Kinamumuhian Nila ang Katotohanan, Hayagang Nilalabag ang mga Prinsipyo, at Binabalewala ang mga Pagsasaayos ng Sambahayan ng Diyos (Ikalimang Bahagi)

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito