Ikasampung Aytem: Kinamumuhian Nila ang Katotohanan, Hayagang Nilalabag ang mga Prinsipyo, at Binabalewala ang mga Pagsasaayos ng Sambahayan ng Diyos (Ikalawang Bahagi)

Ngayon, ipagpapatuloy natin ang pagbabahaginan tungkol sa ikasampung aytem ng iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo: Kinamumuhian nila ang katotohanan, hayagang nilalabag ang mga prinsipyo, at binabalewala ang mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos. Noong nakaraan, nagsagawa tayo ng partikular na pagbabahaginan tungkol sa pagkamuhi sa katotohanan, kaya balikan muna natin. Ano ang paliwanag ninyo noong nakaraan sa “pagkamuhi”? (Ipinaliwanag namin ito bilang hindi pagpapahalaga sa katotohanan, bilang paghahamak, pang-aalipusta, at pangmamaliit sa katotohanan, at bilang pagpapakita ng pagkasuklam sa katotohanan.) Naipaliwanag na ba ninyo nang malinaw ang diwa ng salitang ito gamit ang mga praktikal na termino? (Ang laman lang ng aming paliwanag ay ang mga kasingkahulugan ng pagkamuhi; ito ay mababaw at hindi nito nilinaw ang mga detalye ng pagkamuhi sa katotohanan, ni ang aming saloobin at mga pagpapamalas sa aming pagtrato sa katotohanan. Hindi namin naipaliwanag ang diwa nito.) Ano ang kalikasan ng gayong paliwanag? Saang kategorya ito nabibilang? (Sa mga salita at doktrina.) Ano pa? Kasama ba ito sa kaalaman? (Oo.) Paano nakamit ang kaalamang ito? Nakamit ito mula sa mga paaralan, mula sa mga guro, at mula rin sa mga diksiyonaryo at aklat. Kaya, ano ang pagkakaiba ng paliwanag Ko sa paliwanag ninyo? (Ang pagbabahagi ng Diyos ay tungkol sa saloobin ng bawat tao sa katotohanan—ibig sabihin, mula sa kaibuturan ng kanilang puso, ang mga tao ay lumalaban sa katotohanan, nakakaramdam ng pagkapoot at pagkasuklam dito, hindi ito tinatanggap, at umaabot pa sa pagkondena rito at malisyosong panghuhusga at paninira dito. Ang paliwanag ng Diyos ay nagmumula sa diwa ng saloobin ng mga tao sa katotohanan.) Ipinaliwanag Ko ang diwa ng salitang “pagkamuhi” mula sa perspektiba ng iba’t ibang mahalagang pag-uugali, pagsasagawa, saloobin, at pananaw. Aling paliwanag ang talagang ang katotohanan? (Ang paliwanag ng Diyos ay ang katotohanan.) Kung gayon saan nagkulang ang inyong paliwanag? (Hindi namin nauunawaan ang katotohanan. Tinitingnan lang namin sa labas ang mga bagay at binibigyang-kahulugan ang mga ito nang literal, umaasa sa kaalaman at mga doktrina upang tingnan ang mga isyu.) Binibigyang-kahulugan ninyo ang salitang ito batay sa kaalamang naarok ninyo at ayon sa inyong pagkaunawa sa literal na kahulugan, ngunit hindi ninyo talaga alam kung paanong konektado ang salitang ito sa kalikasang diwa at tiwaling disposisyon ng isang tao. Ito ang pagkakaiba ng kaalaman at mga doktrina, at ng katotohanan. Karaniwan rin ba ninyong ginagamit ang pamamaraan at perspektibang ito kapag binabasa ninyo ang mga salita ng Diyos at kapag nagbabahagi kayo tungkol sa katotohanan? (Oo.) Kaya, hindi nakapagtataka na karamihan sa mga tao, paano man nila basahin ang mga salita ng Diyos, ay hindi maunawaan kung ano talaga ang katotohanan sa mga ito. Kaya, maraming tao ang nananampalataya sa Diyos sa loob ng maraming taon nang hindi nakakaunawa o nakakapasok sa katotohanang realidad. Ito ang dahilan kung bakit palaging sinasabi, “Hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan at wala silang kakayahang maarok ito.”

Ipagpapatuloy natin ang pagbabahaginan tungkol sa ikasampung aytem ng mga pagpapamalas ng mga anticristo: Kinamumuhian nila ang katotohanan, hayagang nilalabag ang mga prinsipyo, at binabalewala ang mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos. Sa nakaraang pagtitipon, hinati natin sa tatlong aytem ang pagkamuhi sa katotohanan. Ano ang tatlong iyon? (Una, kinamumuhian ang pagkakakilanlan at diwa ng Diyos; pangalawa, kinamumuhian ang laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos; pangatlo, kinamumuhian ang mga salita ng Diyos.) Himayin natin ang paksang “kinamumuhian ng mga anticristo ang katotohanan, hayagang nilalabag ang mga prinsipyo, at binabalewala ang mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos” batay sa tatlong aytem na ito. Noong nakaraan, halos natapos na natin ang unang aytem, ngunit hindi natin napagbahaginan nang detalyado ang pagiging banal at natatangi ng diwa ng Diyos, na para sana magkaroon kayo ng pagkakataong mag-isip-isip at makapagbahaginan nang mas partikular batay sa mga aspekto ng katuwiran at pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos na Aking binahagi. Ngayon, pagbabahaginan natin ang pangalawang aytem, na sumasaklaw sa kung paano tinatrato ng mga anticristo ang laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos, upang himayin ang tema ng kung paano kinamumuhian ng mga anticristo ang katotohanan, hayagang nilalabag ang mga prinsipyo, at binabalewala ang mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos.

II. Kinamumuhian ang Laman Kung Saan Nagkatawang-tao ang Diyos

Ang mga perspektiba at pananaw, at ang ugnayan ng mga anticristo, sa Diyos na nagkatawang-tao—ibig sabihin, kay Cristo—ay mayroon ding ilang partikular na pagpapamalas at mahahalagang pagbubunyag. Kung basta na lang natin titingnan ang ilang partikular na pagpapamalas ng mga tao o ang mga partikular na pagsasagawa ng ilang tao, maaaring medyo hindi malinaw sa inyo ang paglalahad nito. Sa halip, hatiin natin ito sa ilang aytem, upang maunawaan natin mula sa mga ito kung ano mismo ang saloobin ng mga anticristo sa laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos, at upang maberipika at mahimay kung paano kinamumuhian ng mga anticristo ang katotohanan. Ang unang bahagi ay paninipsip, pambobola, at mga salitang masarap pakinggan; ang pangalawa ay pagsasaliksik at pagsusuri, na may kasamang pag-uusisa; ang ikatlo ay depende sa kanilang pakiramdam ang pagtrato nila kay Cristo; ang ikaapat ay nakikinig lamang sa sinasabi ni Cristo, ngunit hindi sumusunod ni nagpapasakop. Kung pagbabatayan ang bawat isa sa mga pahayag ng mga aytem na ito, pati na rin sa mga pananaw at pagpapamalas na maaring maunawaan ninyo mula sa literal na kahulugan ng mga ito, positibo ba ang bawat isa sa mga ito? Mayroon bang anumang aytem na tila mas nakakahikayat o positibo? Ano ang tinutukoy ng “nakakahikayat” at “positibo”? Sa pinakamababa, ito ay tumutukoy sa pagkakaroon ng pagkatao at katwiran. Hindi ito kailangang itaas sa antas ng pagkakaroon ng pagpapasakop o ng saloobin at posisyon na dapat mayroon ang isang nilikha. Gamit lamang ang sukatan ng katwiran ng tao, alin sa mga ito ang naaayon sa pamantayan?

Una, tingnan natin ang unang aytem: paninipsip, pambobola, at mga salitang masarap pakinggan. Ang tatlong termino bang ito ay itinuturing na kapuri-puri, positibo, o nakakahikayat sa wika ng tao? (Hindi.) Karaniwan, anong uri ng pananalita at pag-uugali ng mga tao ang nilalarawan ng mga salitang ito? (Mga mapanlinlang na tao, mga taksil, mga taong ubod ng sama, mga sipsip.) Mga taksil, mga taong ubod ng sama, at mga tumalikod; ang uri ng mga tao na nauugnay sa panlilinlang, kababaan, at kabuktutan. Ang mga kilos ng mga gayong tao, karamihan ay nakikita ng iba bilang kasuklam-suklam at mababa, hindi sinsero sa mga tao, at hindi pagiging mabuting-loob. Madalas silang sumisipsip, nambobola, at nagsasabi ng mga salitang masarap pakinggan, sumisipsip at binobola ang mga may impluwensiya o may matataas na katayuan. Ang ganitong uri ng tao ay kinamumuhian ng iba at karaniwang nakikita bilang isang negatibong katauhan.

Tingnan natin ang ikalawang aytem: pagsasaliksik at pagsusuri, na may kasamang pag-uusisa. Ang mga salita bang ito ay itinuturing na kapuri-puri o mapanirang puri? (Mapanirang puri.) Mapanirang puri? Ipaliwanag ninyo sa Akin, bakit ninyo ito ikinakategorya bilang mapanirang puri? Kung walang konteksto, ang mga salitang ito ay walang kinikilingan at hindi maaaring tawaging kapuri-puri o mapanirang puri. Halimbawa, ang pagkakaroon ng pagsasaliksik sa isang siyentipikong proyekto, ang pagsusuri sa diwa ng isang problema, pagiging mausisa tungkol sa mga partikular na bagay—ang mga pagpapamalas na ito ay karaniwang hindi maaaring tawaging positibo o negatibo at medyo walang kinikilingan ang mga ito. Gayumpaman, may konteksto rito: Ang pakay ng pagsasaliksik, pagsusuri, at pag-uusisa ng mga tao ay hindi isang paksa na angkop para sa pananaliksik ng tao, kundi ang laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos. Kaya, malinaw na, sa idinagdag na kontekstong ito, batay sa mga bagay na ito na ginawa ng ganitong uri ng mga tao, pati na rin sa kanilang mga pagpapamalas at pag-uugali, ang mga salitang ito ay nagiging mapanirang puri dito. Anong uri ng mga tao ang karaniwang nagsasaliksik at nagsusuri sa laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos? Ito ba ay ang mga naghahangad sa katotohanan, o ang mga hindi? Ito ba ay ang mga tunay na nananalig kay Cristo sa kanilang puso, o ang mga may mapagdudang saloobin kay Cristo? Kitang-kita naman, ito ay ang mga may mapagdudang saloobin. Wala silang tunay na pananampalataya kay Cristo, at bukod sa pagsasaliksik at pagsusuri, sila rin ay partikular na mausisa. Ano nga ba ang pakay ng kanilang pagiging mausisa? Pagbabahaginan natin nang partikular ang mga detalye ng mga pagpapamalas at diwang ito maya-maya lamang.

Susunod, tingnan natin ang ikatlong aytem: Depende sa kanilang pakiramdam ang pagtrato nila kay Cristo. Ang aytem na ito ay walang partikular na mga salita na susuriin para sa kahulugan na kapuri-puri o mapanirang puri. Ano ang katunayang ibinubunyag ng ganitong uri ng pagpapamalas at partikular na pagsasagawa ng mga gayong tao? Anong uri ng disposisyon mayroon ang isang taong gumagawa ng mga gayong bagay at nagpapakita ng mga gayong pagpapamalas? Una, sila ba ay walang pagkiling sa kanilang pagtrato sa iba? (Hindi.) Mula saang parirala mahihinuha ito? (“Depende sa kanilang mood.”) Ang pariralang ito ay nangangahulugan na ang mga ganitong uri ng tao ay kumikilos at tinatrato ang ibang tao o usapin nang walang mga prinsipyo, nang walang pundasyon, at lalong walang anumang konsensiya o katwiran—sila ay lubusang ginagabayan ng kanilang mood. Kung tinatrato ng isang tao ang isang ordinaryong tao batay sa kanyang mood, maaaring hindi ito isang malaking isyu; hindi nito lalabagin ang mga atas administratibo o sasalungatin ang disposisyon ng Diyos, at nagpapakita lamang na ang taong ito ay matigas ang ulo, hindi naghahangad sa katotohanan, kumikilos nang walang mga prinsipyo, at ginagawa ang anumang nais niya batay sa kanyang mood at kagustuhan, na isinasaalang-alang lamang ang mga pagnanais at damdamin ng kanyang sariling laman at hindi ang damdamin ng iba, at walang paggalang sa iba. Ito ay isang paliwanag na batay sa kanilang pagtrato sa isang ordinaryong tao—ngunit sino ang tumatanggap ng kanilang pagtrato batay sa kanilang pakiramdam? Hindi ito isang ordinaryong tao, kundi ang laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos—si Cristo. Kung tatratuhin mo si Cristo batay sa iyong pakiramdam, ito ay isang malubhang problema, ang kalubhaan nito ay hindi na natin tatalakayin ngayon.

Ngayon, tingnan natin ang ikaapat na aytem: nakikinig lamang sa sinasabi ni Cristo, ngunit hindi sumusunod ni nagpapasakop. Walang mga partikular na termino rito upang tukuyin nang eksakto kung ano ito; ito ay isang uri ng pagpapamalas, isang nakasanayang kalagayan at partikular na saloobin sa kung paano tinatrato ng mga tao ang mga bagay, ngunit sangkot dito ang disposisyon ng isang tao. Ano ang disposisyon ng mga gayong tao? Nakikinig sila, ngunit hindi sumusunod ni nagpapasakop. Sa panlabas, nakakapakinig pa rin sila, ngunit ang ipinapakita ba nila sa panlabas ay kapareho ng iniisip nila o ng tunay nilang saloobin sa loob nila? (Hindi.) Sa panlabas, maaaring mukhang maayos ang asal nila at tila nakikinig sila, ngunit sa loob nila ay hindi ganito. Sa loob nila, mayroon silang pakiramdam at saloobin ng hindi pagsunod, kasama ang pakiramdam at saloobin ng paglaban. Iniisip nila: “Hindi Kita sinusunod sa aking puso; paano ko maipapahalata sa Iyo na hindi ako sumusunod? Pinapapasok at pinapalabas ko lang sa tainga ko ang mga salitang sinasabi Mo, ngunit hindi ko isinasapuso o isinasakatuparan ang mga ito. Lalabanan at sasalungatin Kita!” Ito ang ibig sabihin ng hindi pagsunod at hindi pagpapasakop. Kung ang mga gayong tao ay makikipag-ugnayan at makikisalamuha sa mga ordinaryong indibidwal, tinatrato ang sinasabi ng mga ordinaryong tao nang may ganitong kalagayan, pananaw, at saloobin, ito man ay isang pagpapamalas na halata o nararamdaman, ano ang disposisyon ng mga gayong tao? Sila ba ay itinuturing na mabubuting tao na may pagkatao at pagkamakatwiran? Itinuturing ba sila bilang mga positibong tao? Malinaw na hindi. Batay lamang sa pariralang “nakikinig lamang, ngunit hindi sumusunod ni nagpapasakop,” ang mga taong ito ay mayabang. Gaano sila kayabang? Sobra, hanggang sa punto ng pagkawala ng pagkamakatwiran, lubhang pagkabaliw, walang sinusunod at hindi binibigyan ng halaga ang sinuman. Ang kanilang saloobin kapag nakikipag-ugnayan sa iba ay: “Maaari kitang kausapin, maaari akong makisalamuha sa iyo, pero walang salita ng sinuman ang puwedeng pumasok sa puso ko, ni ang puwedeng maging prinsipyo at gabay sa aking mga kilos ang anumang salita ng sinuman.” Mayroon lamang silang sariling mga pag-iisip sa isipan nila, sinusunod lamang ang boses sa loob nila. Hindi nila pinakikinggan o tinatanggap ang anumang tama, nakakahikayat, o ang mga positibong pahayag at prinsipyo, sa halip ay nilalabanan nila ito sa kanilang puso. Mayroon bang mga gayong tao sa masa? Sa isang grupo, ang mga gayong tao ba ay itinuturing na may katwiran o wala sa katwiran? Itinuturing ba sila na mga positibong tao o negatibo? (Mga negatibong tao.) Kaya, paano kadalasan tinatrato ng karamihan sa isang grupo ang mga gayong tao? Anong uri ng mga pamamaraan ang ginagamit nila sa kanilang pakikitungo sa mga ito? Karamihan ba sa mga tao ay nais makipag-ugnayan at makisalamuha sa mga gayong indibidwal? (Hindi.) Sa iglesia, karamihan sa mga tao ay hindi makakasundo ang mga gayong indibidwal—ano ang dahilan? Bakit lahat ay ayaw at nakakaramdam ng pagkasuklam sa mga gayong tao? Dalawang pangungusap ang maaaring magpaliwanag sa isyung ito. Una, ang mga taong ito ay hindi nakikipagtulungan sa sinuman, nais nilang sila ang may huling salita, at hindi sila nakikinig sa kahit sino; napakahirap para sa kanila na sumunod sa salita ng iba, at imposibleng humingi sila ng opinyon at ideya ng iba, o makinig sa sinasabi ng iba. Pangalawa, hindi nila magawang makipagtulungan sa kahit sino. Hindi ba’t ang dalawang pangungusap na ito ang mga pinakapartikular na pagpapamalas ng gayong uri ng tao? Hindi ba’t ang mga iyon ang diwa ng gayong tao? (Oo.) Una, kung isasaalang-alang ang kanilang disposisyon, hindi sila nakikinig at nagpapasakop kaninuman. Gusto nilang sila ang may huling pasya, ayaw nilang makinig sa iba, at hindi sila nakikipagtulungan sa iba. Sa puso nila, walang puwang para sa iba, ni para sa katotohanan o sa mga prinsipyo ng iglesia—gayon ang disposisyon ng anticristo ng mga gayong uri ng tao. Bukod dito, hindi nila nagagawang makipagtulungan o makisama kaninuman, at kahit na pakiramdam nila sa puso nila na atubili sila, hindi pa rin nila nagagawang makipagtulungan sa iba pagdating ng oras. Ano ang nangyayari dito? Hindi ba’t may isang partikular na kalagayan na nasasangkot? Hinahamak nila ang iba, hindi nakikinig sa iba, at gaano man kaalinsunod sa mga prinsipyo ang mga salita ng iba, hindi nila tinatanggap ang mga ito. Pagdating sa pakikipagtulungan sa iba, maaari lamang itong gawin sa paraan nila. Ito ba ay matiwasay na pakikipagtulungan? Ito ay hindi pakikipagtulungan; pagkilos ito nang walang pakundangan, kung saan isang tao lamang ang nagdedesisyon. Ganito ang uri ng disposisyon ng mga gayong tao sa kanilang pakikipag-ugnayan sa iba, at tinatrato nila si Cristo sa parehong paraan. Sulit bang himayin ito? Ang isyu rito ay malubha at nararapat himayin! Sunod naman, pag-usapan natin ang mga partikular na pagpapamalas at pagsasagawa ng mga anticristo sa bawat aytem, at sa pamamagitan ng mga partikular na pagpapamalas at pagsasagawang ito ay mauunawaan ang diwa ng mga anticristo—ang pagkamuhi sa katotohanan, hayagang paglabag sa mga prinsipyo, at pagbabalewala sa mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos. Simulan natin ang paghihimay mula sa unang aytem.

A. Paninipsip, Pambobola, at mga Salitang Masarap Pakinggan

Paninipsip, pambobola, at mga salitang masarap pakinggan—sa panlabas, dapat malaman ng lahat kung ano ang ibig sabihin ng mga salitang ito, at ang mga indibidwal na nagpapakita ng mga ito ay pangkaraniwan. Ang paninipsip, pambobola, at pagsasabi ng mga salitang masarap pakinggan ay kadalasang mga paraan ng pagsasalitang ginagamit upang makakuha ng pabor, papuri, o isang uri ng pakinabang mula sa iba. Ito ang pinakakaraniwang paraan ng pagsasalita para sa mga taong nambobola at nambibilog ng ulo. Maaaring sabihin na lahat ng tiwaling tao, sa ilang antas, ay nagpapakita ng ganitong pagpapamalas, na isang paraan ng pagsasalita na kabilang sa satanikong pilosopiya. Kaya, nagpapakita ba ang mga tao ng parehong pagpapamalas at pagsasagawa sa harap ng nagkatawang-taong Diyos, siguro ay upang makakuha rin ng ilang pakinabang? Siyempre, hindi ito ganoon kasimple. Kapag ang mga tao ay sumisipsip at binobola ang laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos, anong uri ng pananaw o pag-iisip tungkol kay Cristo sa kanilang puso ang nagiging sanhi ng gayong pag-uugali? Ang gayong pag-uugali ang karaniwang ipinapakita ng mga tao sa ibang tao. Kung ang mga tao ay umaasal din nang ganito sa nagkatawang-taong Diyos, ito ay nagpapahiwatig ng isang problema: Itinuturing nila ang nagkatawang-taong Diyos, si Cristo, bilang isang ordinaryong tao lamang sa gitna ng tiwaling sangkatauhan. Mula sa panlabas na perspektiba, si Cristo ay may mga buto at laman at may anyo ng isang tao. Ito ay nagbibigay sa mga tao ng isang ilusyon, na nagiging sanhi upang paniwalaan nilang si Cristo ay tao lamang, na nagbibigay-daan sa kanila na hayagang tratuhin si Cristo batay sa lohika at pag-iisip ng pakikitungo sa mga tao. Ayon sa lohika at pag-iisip ng pakikitungo sa mga tao, karaniwan sa pakikitungo sa isang taong may katayuan at kilala, ang pinakamahusay na estratehiya upang mag-iwan ng magandang impresyon, upang madaling makuha ang mga pakinabang o ang pagtaas ng ranggo sa hinaharap, ay ang gawing masarap pakinggan at maingat ang mga salita, na tinitiyak na ang nakikinig ay komportable at masaya. Dapat panatilihin ng isang tao ang banayad na ekspresyon ng mukha, at huwag magpakita ng mabangis o masamang mukha, at sa wika, ay dapat walang agresibo, malisyoso, o malupit na mga salita, o mga salitang maaaring makasakit sa pagpapahalaga sa sarili ng isang tao. Sa mga gayong pagpapamalas at salita lamang maaaring mag-iwan ng magandang impresyon sa presensya ng gayong tao at hindi sila kasuklaman nito. Parang ang pagsasalita nang kaaya-aya, pambobola at pambibilog ng ulo, ay itinuturing na pinakatotoong uri ng pagrespeto sa iba. Sa parehong paraan, iniisip ng mga tao na upang magpakita ng pagrespeto kay Cristo, at upang mapanatili ang pagkakasundo, kailangan nilang magsikap nang husto upang ipakita ang gayong pag-uugali, na tinitiyak na ang kanilang mga salita ay walang nakakasakit na wika o nilalaman, at lalong walang nakapagpapasama ng loob. Iniisip ng mga taong ito ang pinakamahusay na paraan upang makipag-ugnayan at makipag-usap kay Cristo. Itinuturing nila ang laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos bilang isang napaka-ordinaryong tao na may normal, tiwaling disposisyon, iniisip na wala nang mas mabuting paraan upang pakitunguhan o tratuhin Siya. Samakatwid, kapag ang isang anticristo ay humarap kay Cristo, ang kinikimkim nila sa kanilang puso ay hindi takot, respeto, o tunay na sinseridad, kundi isang pagnanais na gumamit ng kaaya-aya at maingat na wika, umaabot pa nga sa paggamit ng mga ilusyon upang hayagang sumipsip at bolahin ang laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos. Naniniwala silang ang lahat ng tao ay madaling mahihikayat ng ganitong pamamaraan, at dahil ang laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos ay tao rin, Siya rin ay tutugon sa gayong pamamaraan at magugustuhan ito. Kaya, sa pakikitungo kay Cristo, sa laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos, sa kanilang puso, ang mga anticristo ay hindi tinatanggap ang katunayang si Cristo ay nagtataglay ng diwa ng Diyos. Sa halip, ginagamit nila ang ilang taktika ng tao, mga pilosopiya ng tao para sa mga makamundong pakikitungo, at ang mga karaniwang diskarte ng tao sa pakikitungo at pagmamanipula sa iba upang pakitunguhan ang laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos. Ang diwa ba ng mga pag-uugaling ito ay nagpapakita ng katunayang ang mga anticristo ay kinamumuhian ang laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos? (Oo.)

Itinuturing ng mga anticristo si Cristo sa parehong paraan kung paano nila itinuturing ang mga tiwaling tao, nagsasalita lamang ng mga salitang sumisipsip at nambobola kapag nakita nila si Cristo, at pagkatapos ay inoobserbahan ang mga reaksyon ni Cristo at sinusubukang sundin ang Kanyang mga kagustuhan. Ang ilang tao, kapag nakita si Cristo, ay sinasabi: “Nakita Kita mula sa malayo. Namumukod-tangi Ka sa karamihan. Hindi tulad ng iba, na walang mga limbo, Ikaw ay may limbo sa Iyong ulo. Alam ko na agad na Ikaw ay hindi ordinaryong tao. Sino pa ba sa sambahayan ng Diyos ang hindi ordinaryo kundi si Cristo? Nang makita Kita, alam ko na, walang duda na ito ay totoo. Ang laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos ay talagang naiiba.” Hindi ba’t ito ay tahasang kalokohan? Ang Aking anyo ay ordinaryo, pangkaraniwan. Kung wala Akong ginagawa o sinasabi sa mga tao, maaaring abutin ng isa o dalawang taon bago Ako makilala ng sinuman. Sa anumang grupo, Ako ay isang ordinaryong miyembro lamang; walang makakakita ng anumang espesyal sa Akin. Ngayon, Ako ay gumagawa sa iglesia, at dahil sa patotoo ng Diyos, nakikinig kayo kapag nagsasalita Ako sa inyo. Ngunit kung wala ang patotoo ng Diyos, ilan ang makikinig o magbibigay-pansin sa Akin? Iyan ay nananatiling isang katanungan, walang nakakaalam. Sinasabi ng ilang tao: “Para sa akin, Siya ay mukhang Diyos. Palagi kong nararamdaman na Siya ay hindi ordinaryo, naiiba sa lahat.” Paano Ako naiiba? Mayroon ba akong tatlong ulo at anim na braso? Paano mo natutukoy ang pagkakaiba? Minsang sinabi ng Diyos: Sadyang hindi Ko ipinapakita sa mga tao ang kahit kaunting bakas ng pagka-Diyos sa Akin. Kung hindi ipinapakita ng Diyos sa mga tao ang Kanyang pagka-Diyos, paano mo ito nakikita? Hindi ba’t may problema sa sinasabi ng mga taong ito? Ito ay malinaw na walang iba kundi walang katuturang salita ng mga kasuklam-suklam na nambobola, na ang mga salita ay walang kabuluhan. Ang panlabas na anyo ng nagkatawang-taong Diyos ay sa isang ordinaryong tao. Paano makikilatis ng mga mata ng tao ang pagka-Diyos ni Cristo? Kung hindi gumawa at nagsalita si Cristo, walang makakakilala sa Kanya o makakaalam ng Kanyang pagkakakilanlan at diwa. Ito ay isang katunayan. Kung gayon, paano naman ang mga nagsasabi, “Sa unang sulyap pa lang ay alam ko nang Ikaw ang laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos, naiiba Ka sa lahat,” o “Nang makita Kita, alam kong magagawa Mo ang mga dakilang bagay”? Ano ang mga pahayag na ito? Ang mga ito ay pawang kalokohan! Noong hindi pa nagbibigay ng Kanyang patotoo ang Diyos, paanong hindi mo ito nakikilatis kahit ilang beses ka pang tumingin? Pagkatapos ng patotoo ng Diyos, nang sinimulan Ko ang Aking gawain, paano mo ito biglang nakita sa unang sulyap pa lang? Ang mga ito ay malinaw na mga mapanlinlang na salita, pawang kabaliwan.

Ang ilang tao, kapag nakikipagkita o nakikipag-ugnayan sa Akin, ay gustong magpakitang-gilas. Iniisip nila: “Bihira lang ang pagkakataon na makatagpo ang nagkatawang-taong Diyos; ito ay isang pambihirang pagkakataon sa buhay ng isang tao. Kailangan kong galingan, ipakita ang mga resulta ng aking pananalig sa Diyos sa loob ng maraming taon, at ang magagandang nagawa ko mula nang tanggapin ko ang kasalukuyang yugto ng gawain ng Diyos, para mabatid ng Diyos ang mga ito.” Ano ang ibig sabihin nila sa pagpapabatid sa Akin? Umaasa silang magkaroon ng pagkakataong tumaas ang ranggo nila. Kung ito ay sa iglesia, baka hindi na sila magkaroon ng pagkakataong mamukod-tangi o tumaas ang ranggo sa kanilang buong buhay; walang maghahalal sa kanila. Iniisip nila na dumating na ang pagkakataon, kaya pinag-iisipan nila kung paano magsalita sa paraang hindi magbubunyag ng anumang isyu at hindi magpapakita na nagtatangka silang magpakitang-gilas. Kailangan nilang maging mas maingat at mahusay, gumamit ng ilang pakana at panlalansi, gumamit ng mga simpleng diskarte. Sinasabi nila: “O Diyos, tiyak na labis na kaming nakinabang mula sa pananalig sa Iyo sa mga nakaraang taon! Ang buong pamilya namin ay nananalig, tinalikdan namin ang lahat ng bagay upang igugol ang aming sarili para sa Diyos. Pero hindi iyon ang pinakamahalaga. Ang pinakamahalaga ay ang Iyong mga salita ay napakadakila, at napakarami Mong nagawang gawain. Handa kaming lahat na gawin ang aming mga tungkulin at gugulin ang aming sarili para sa Diyos.” Sinasabi Ko naman: “Pero wala namang tunay na pakibang dito.” “Ang mayroon ay ang biyaya na masaganang ibinigay ng Diyos. Marami kaming natamong bagong liwanag, kabatiran, at pag-unawa sa mga salita ng Diyos. Ang lahat ng kapatid ay napakasigla, lahat ay handang gugulin ang kanilang sarili para sa Diyos.” “Mayroon bang mga mahina at negatibo? Mayoon bang sinuman na nagdudulot ng pagkagambala at kaguluhan?” “Wala, napakabuti ng aming buhay iglesia. Lahat ng kapatid ay naghahangad na mahalin ang Diyos, talikdan ang lahat para ipalaganap ang ebanghelyo. Ang lahat ng sinasabi ng Diyos ay mabuti. Lahat kami ay masigla, at hindi na maaaring manalig nang gaya ng dati, nang naghahanap ng biyaya at tinapay upang pawiin ang gutom. Kailangan naming talikdan ang lahat para sa Diyos, ialay ang aming sarili sa Diyos, at gugulin ang aming sarili para sa Diyos.” “Kung gayon, sa mga nakaraang taon, nagkamit ba kayo ng anumang pagkaunawa sa mga salita ng Diyos?” “Oo, nagkamit kami. Napakaganda ng mga salita Mo, O Diyos, ang bawat pangungusap ay tumatama sa aming mga pangunahing isyu, inilalantad ang aming kalikasang diwa! Nakatanggap kami ng napakaliwanag na pagkaunawa sa aming sarili at sa Iyong mga salita. O Diyos, Ikaw ang tagapagligtas ng buong pamilya namin, ng buong iglesia namin. Kung wala Ka, matagal na kaming namatay kung saanman. Kung wala Ka, hindi namin alam kung paano magpapatuloy. Umaasam ang lahat ng tao sa aming iglesia na makita Ka, nagdarasal araw-araw para makatagpo Ka sa kanilang mga panaginip, umaasang makasama Ka araw-araw!” Sa kanilang pananalita, may mga taos-puso o tapat na salita bang nabanggit? (Wala.) Ano ang mga salitang ito kung gayon? Ang mga ito ay mapagpaimbabaw, walang kabuluhan, at walang silbi. Kapag hinihiling Kong talakayin nila ang pagkilala sa sarili, sinasabi nila, “Mula nang tanggapin ko ang gawain ng Diyos, nararamdaman kong ako ay isang diyablo at Satanas, na walang pagkatao.” “Paano ka nagiging walang pagkatao?” “Ako ay kumikilos nang walang mga prinsipyo.” “Sa anong mga kilos ka walang prinsipyo?” “Hindi ko magawang makipagtulungan nang matiwasay sa iba, ang aking mga pakikipag-ugnayan sa iba ay walang mga prinsipyo, ang aking pakikitungo sa mga tao ay walang mga prinsipyo. Ako ay isang diyablo at Satanas, nagmula ako kay Satanas, malalim ang pagkatiwali sa akin ni Satanas. Sinasalungat ko ang Diyos sa bawat pagkakataon, palagi kong sinasalungat at kinakalaban ang Diyos.” Ang mga salitang ito ay magandang pakinggan sa panlabas. Kapag tinanong Ko sila, “Kumusta na si ganito at ganoon sa inyong iglesia ngayon?” Sinasabi nila, “Ngayon ay maayos na siya. Pinalitan siya sa pamumuno ng iglesia dati, pero pagkatapos ay nagsisi siya, at hinalal siyang muli ng mga kapatid.” “Ang tao bang iyon ay naghahangad sa katotohanan?” “Kung sinasabi ng Diyos na ito ay naghahangad sa katotohanan, kung gayon ang taong ito ay naghahangad; kung sinasabi ng Diyos na hindi, kung gayon ay hindi ito naghahangad.” “Ang taong ito ay mukhang masigasig, pero ang kanyang kakayahan ay talagang mahina, hindi ba?” “Mahina? Oo, kaunti. Kung hindi, bakit naman siya papalitan ng mga kapatid noong nakaraan?” “Kung mahina ang kanyang kakayahan, makagagawa ba siya ng kongkretong gawain? Matutupad ba niya ang obligasyon ng pamumuno sa iglesia?” Pagkarinig sa Aking mga salita, ang nagiging interpretasyon nila rito ay na ang isang taong mahina ang kakayahan ay hindi makakatupad sa obligasyon, at sinasabi nila, “Kung gayon ay hindi niya ito matutupad. Pinili siya ng mga kapatid bilang ang pinakamagaling sa mga hindi magaling; wala nang iba pa na mas magaling, kaya pinili nila siya. Sinasabi ng lahat ng kapatid na ang kanyang kakayahan ay karaniwan, pero kaya pa rin niya kaming pamunuan. Kung mahina ang kanyang kakayahan, sa palagay ko ay maaaring hindi na siya piliin ng mga kapatid sa susunod. O Diyos, dapat ko bang subukang impluwensiyahan ang mga kapatid?” “Ang usaping ito ay nakasalalay sa tayog ng mga kapatid sa inyong iglesia. Pinipili nila ang taong sa palagay nila ay mabuti batay sa mga prinsipyo—tama ang prosesong ito, pero ang ilang tao ay hangal at hindi makilatis ang mga tao o bagay, at kung minsan ay pinipili nila ang maling tao.” Ano ang ibig Kong sabihin sa pagsasabi nito? Nagpapahayag lamang Ako ng isang katunayan, hindi Ko nilalayon na palitan ang taong ito. Pero paano ito naarok ng anticristo matapos itong marinig? Hindi nila ito sinabi nang malakas, pero iniisip nila, “Isa ba itong pahiwatig mula sa Diyos para palitan ang taong ito? Kung gayon, dapat kong siyasatin pa kung ano talaga ang ibig sabihin ng Diyos. Kung ang taong ito ay mapalitan, sino pa ang pwedeng manguna sa iglesia, sino ang makakagawa ng gawaing ito?” Ang mga anticristo ay bulag sa Diyos, wala Siyang puwang sa kanilang mga puso. Kapag nakakaharap nila si Cristo, itinuturing lang nila Siya bilang ordinaryong tao, palagi silang nakikiramdam sa Kanyang mga ekspresyon at tono, iniaangkop ang kanilang sarili batay sa hinihingi ng sitwasyon, hindi kailanman sinasabi kung ano talaga ang nangyayari, hindi kailanman nagsasalita ng anumang taos sa puso, nagsasalita lamang ng mga hungkag na salita at doktrina, at sinusubukang linlangin at lansihin ang praktikal na Diyos na nakatayo sa harapan ng kanilang mga mata. Wala talaga silang may-takot-sa-Diyos na puso. Ni hindi nila kayang magsalita sa Diyos nang mula sa puso, na magsabi ng anumang totoo. Nagsasalita sila na parang isang gumagapang na ahas, ang galaw ay paliku-liko at hindi tuwiran. Ang paraan at direksyon ng mga salita nila ay tulad ng isang baging ng melon na umaakyat sa isang poste. Halimbawa, kapag sinasabi mong ang isang tao ay may mahusay na kakayahan at maaaring itaas ng ranggo, kaagad silang nagsasalita tungkol sa kung gaano kahusay ang taong ito, at kung ano ang nakikita at naihahayag sa kanya; at kung sasabihin mong ang isang tao ay masama, mabilis sila sa pagsasalita kung gaano ito kasama at kamakasalanan, kung paano siya nagdudulot ng mga kaguluhan at pagkagambala sa iglesia. Kapag nagtatanong ka tungkol sa mga aktuwal na sitwasyon, wala silang masasabi; nagpapaliguy-ligoy sila, naghihintay na gumawa ka ng konklusyon, nakikinig para sa kahulugan ng mga salita mo, upang maiayon nila ang kanilang mga salita sa iyong mga iniisip. Ang lahat ng sinasabi nila ay mga salitang masarap pakinggan, pambobola, at pagbibigay ng labis na papuri; walang sinserong salita ang lumalabas sa kanilang mga bibig. Ganito sila makipag-ugnayan sa mga tao at kung paano nila tratuhin ang Diyos—ganyan talaga sila kamapanlinlang. Ito ang disposisyon ng isang anticristo.

May ilang tao na nakikipag-ugnayan sa Akin, nang hindi alam kung anong klaseng mga salita o usapin ang gusto Kong marinig; gayumpaman, kahit na hindi nila alam, humahanap sila ng paraan. Pumipili sila ng ilang paksa na tatalakayin sa Akin, iniisip nila, “Maaaring maging interesado Ka sa mga paksang ito, maaaring ang mga ito ang mga gusto Mong malaman o marinig ngunit masyado Kang magalang kaya hindi Mo matanong, kaya ako na ang magkukusang magsabi sa Iyo.” Kapag nagkikita kami, sinasabi nila, “Kamakailan, nagkaroon ng malalakas na ulan sa aming lugar, na nagdulot ng pagbaha sa buong lungsod. Ang kaayusang pampubliko ay lumalala rin; napakarami nang magnanakaw ngayon. Kapag lumabas ang isang tao, may panganib na siya ay manakawan o madukutan. Narinig ko na sa ilang lugar, maraming bata ang dinukot, at ang mga tao ay nangangamba. Sinasabi ng mga walang pananampalataya na naging masyado nang magulo ang lipunan, ganap nang abnormal. Ang mga tao sa relihiyon ay hawak pa rin ang Bibliya at ipinangangaral ang ebanghelyo, sinasabi na dumating na ang mga huling araw, na malapit nang bumaba ang Diyos, at na malapit na ang malalaking sakuna at kalamidad.” At may ilang tao na, kapag nakatagpo Ako, ay agad na sinasabi, “Ilang araw na ang nakalipas, tatlong buwan ang lumitaw sa kalangitan sa isang lugar, at maraming tao ang kumuha ng mga litrato. Sinasabi ng ilang manghuhula na malalaking pangitain ang malapit nang lumitaw sa kalangitan, na ang tunay na panginoon ay nagpakita na.” Sinasabi nila ang mga ganitong bagay—sila ay partikular na interesado at nangongolekta ng impormasyon tungkol sa pangyayari ng gayong kaguluhan sa lipunan, mga sakuna, at iba’t ibang di-pangkaraniwang mga kaganapan at mga penomenang pang-astronomiya. Kapag nakikipagtagpo sila sa Akin, ginagamit nila ito bilang paksa ng pag-uusap upang magkaroon sila ng mas malapit na relasyon sa Akin. Ang ilang tao ay naniniwala, “Ang nagkatawang-taong Diyos ay isang ordinaryong tao. Ang pagkakaiba Niya sa iba ay nasa katunayan na ginagawa Niya ang gawain ng Diyos at kumakatawan Siya sa Diyos. Kaya, habang ang karamihan sa mga tao ay umaasa para sa kapayapaan sa mundo, para mamuhay ang mga tao sa pagkakaisa at kasiyahan, ang Cristo sa laman ay hindi tulad ng mga normal na tao. Inaasam Niya ang isang malaking kaguluhan sa mundo, ang pagdating ng mga pangitain at malaking sakuna, ang mabilis na pagsasakatuparan sa dakilang gawain ng Diyos, at ang mabilis na pagtatapos ng gawain ng pamamahala ng Diyos, upang matupad ang Kanyang mga sinabi. Ito ang mga paksang pinapahalagahan Niya at interesado Siya. Kaya, kapag nakikipagtagpo ako sa Kanya, sasabihin ko ang mga bagay na ito, at Siya ay talagang matutuwa. Kung matutuwa Siya, marahil tataas ang ranggo ko, at maaari akong magkaroon ng pagkakataon na makasama Siya nang mas maraming araw.” May mga gayong tao ba? Minsan nakilala Ko ang isang batang babae na mabola magsalita; magaling siyang magsalita, mabilis mag-isip, at alam na alam niya kung ano ang sasabihin at kung kanino ito sasabihin, sanay sa pagpapasikat at pagmamagaling sa lahat ng lugar, lalong bihasa siya sa pakikipag-ugnayan sa mga nasa kapangyarihan at may katayuan. Kapag nakikipag-ugnayan siya sa Akin, kapag nagtatagpo kami, agad niyang sinasabi: “Sa ganito at ganoong lugar, laganap ang krimen; kahit ang lokal na pulis ay may mga miyembro ng gang. May isang lider ng gang na gumawa ng maraming masamang bagay sa lokalidad. Isang araw, nakatagpo niya ang isang mataas na opisyal, isang malaking demonyo, sa kalsada. Nilagpasan ng kanyang sasakyan ang sasakyan ng malaking demonyo, at sinabi ng malaking demonyo sa bodyguard nito, ‘Kaninong sasakyan iyon? Ayaw ko nang makita siyang muli!’ Kinabukasan, siya ay pinatay.” May mga gayong bagay ba sa lipunan? (Mayroon.) Umiiral ang mga gayong bagay, pero kapaki-pakinabang ba itong gawing pangunahing paksa ng pag-uusap kapag nakikipagkita sa Akin? Ang mga ito ay hindi ang mga paksang pinapahalagahan Ko o gusto Kong marinig, pero hindi niya alam iyon. Akala niya ay gusto Kong marinig ang mga nakakakilabot na kwentong ito. Sabihin mo sa Akin, ang mga sakuna, pangitain, natural at gawa ng tao na kalamidad ba ang mga paksang pinapahalagahan Ko, ang mga gusto Kong marinig? (Hindi.) Ayos lang na pakinggan ang mga bagay na ito upang palipasin ang oras, ngunit kung iniisip mong talagang gusto Kong marinig ang mga ito, nagkakamali ka. Hindi Ako interesado sa mga bagay na ito, ayaw Kong marinig ang mga ito. Tinatanong ng ilang tao, “Nakikinig Ka ba kapag sinasabi ng mga tao ang mga bagay na ito?” Hindi Ako tumututol sa pakikinig, ngunit hindi ibig sabihin niyon na gusto Kong makinig, at hindi rin ibig sabihin nito na gusto Kong mangolekta ng ganitong impormasyon, ng mga ganitong kuwento. Ano ang ibig sabihin nito? Ibig sabihin nito na sa kaibuturan ng puso Ko, hindi Ko gustong usisain ang tungkol sa mga bagay na ito, wala Akong anumang interes. Iniisip pa nga ng ilang tao, “Sa Iyong puso, hindi ba’t partikular Mong kinamumuhian ang malaking pulang dragon? Kung kinamumuhian Mo ang malaking pulang dragon, sasabihin Ko sa Iyo ang tungkol sa isang parusa na natanggap ng malaking pulang dragon: Nagkaroon ng tunggalian sa pagitan ng matataas na opisyal sa loob ng malaking pulang dragon, may ilang paksyon ang naglalabanan, halos mapatay na ang isang pinunong demonyo. Ang mga pinunong demonyong ito ay nakaligtas na sa ilang pagtatangka ng pagpatay, napakamapanganib talaga! Matutuwa Ka bang marinig ito?” Matutuwa ba kayong lahat na marinig ang mga gayong bagay? Kung matutuwa kayo, matuwa kayo; kung ayaw ninyo itong marinig, huwag kayong makinig—wala itong kinalaman sa Akin. Sa madaling salita, tungkol sa mga bagay na ito, kung ito man ay isang epidemya sa isang bansa, kung paano nagsimula ang epidemya, kung ilang tao ang namatay, kung aling bansa ang nakaranas ng malaking sakuna, ang kalagayan ng gobyerno ng isang bansa, kung gaano kabagsik ang mga panloob na tunggalian sa mga mataas na antas ng isang bansa, o mga kaguluhan sa lipunan, maaaring makinig Ako kung sakaling marinig Ko ang mga ito, ngunit hindi Ko pagsisikapang hanapin ang mga partikular na detalye tungkol sa mga kaganapang ito, hindi Ako makikinig sa balita, magbabasa ng mga diyaryo, o maghahanap sa online para sa mga nilalaman na may kaugnayan sa mga kaganapang ito dahil lamang hindi Ko alam ang tungkol sa mga ito. Hinding-hindi Ko gagawin iyon, at hindi Ko kailanman ginagawa ang mga gayong bagay. Hindi Ako interesado sa mga bagay na ito. Sinasabi ng ilang tao: “Lahat ng ito ay nasa ilalim ng Iyong kontrol, Ikaw ang may gawa ng lahat ng ito; kaya hindi Ka interesado.” Tama ba ang pahayag na ito? Tama ito pagdating sa doktrina, pero sa diwa, hindi iyon ang kaso. Ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa kapalaran ng tao, sa bawat lahi, bawat pangkat ng tao, sa bawat panahon. Normal lang na magkaroon ng ilang sakuna at di-pangkaraniwang kaganapan sa bawat panahon—lahat ng ito ay nasa kamay ng Diyos. Kahit na anumang kapanahunan pa, kahit na may mga mahalaga o maliit na kaganapang mangyari, kapag dumating ang oras para magbago ang isang kapanahunan, kahit na walang pagbabago sa isang damo o puno, kailangang lumipas ang panahong iyon. Ito ay isang bagay ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Kung ang isang kapanahunan ay hindi dapat matapos, kahit na mayroong malalaking pagbabago sa mga penomena sa kalangitan o sa lahat ng bagay sa lupa, hindi ito dapat magtapos. Lahat ng ito ay mga gawain ng Diyos, labas na sa pangingialam o pagtulong ng tao. Ang pinakadapat gawin ng mga tao ay huwag nang alalahanin pa ang mga bagay na ito, huwag mangolekta ng ebidensya at impormasyon tungkol sa mga kaganapang ito upang matugunan ang kanilang pagkamausisa. Tungkol sa mga bagay na ginagawa ng Diyos, dapat mong maunawaan ang lahat ng kaya mong maunawaan, at huwag piliting unawain kung saan hindi ito posible. Sa tiwaling sangkatauhan, ang mga bagay na ito ay napakanormal, napakakaraniwan. Lahat ng usaping ito—ang pagbabago ng mga kapanahunan, ang pagbabagong-anyo ng kaayusan ng mundo, ang kapalaran ng isang lahi, ang pamamahala at katayuan ng isang rehimen, at iba pa—ay pawang nasa mga kamay ng Diyos, lahat ay nasa ilalim ng Kanyang kataas-taasang kapangyarihan. Kailangan lang ng mga tao na maniwala, tumanggap, at magpasakop; sapat na iyon. Huwag maghangad na maunawaan ang mas maraming mga misteryo, na inaakalang kapag mas marami kang nauunawaang mga misteryo, mas mukhang maganda ito, na para bang sa pamamagitan ng pananalig sa Diyos ay may malaki kang tayog at espirituwalidad. Ang pagkakaroon ng gayong kaisipan ay nangangahulugang mali ang iyong pananaw sa pananalig sa Diyos. Ang mga bagay na ito ay hindi makabuluhan. Ang tunay na makabuluhang bagay, ang dapat pinaka-alalahanin ng mga tao, ay ang sentro ng plano ng pamamahala ng Diyos—ang kaligtasan ng sangkatauhan, binibigyang-kakayahan ang sangkatauhan na maligtas sa loob ng gawain ng plano ng pamamahala ng Diyos. Ito ang pinakamalaki at pinaka-sentrong bagay. Kung nauunawaan mo ang mga katotohanan at mga pangitaing may kaugnayan sa bagay na ito, kung gayon ay tanggapin mo ang ginagawa ng Diyos sa iyo at ang katotohanang itinutustos Niya sa iyo, at tanggapin ang bawat pagkakataon ng pagpupungos, paghatol, at pagkastigo, kung tatanggapin mo ang lahat ng ito, ito ay mas mahalaga kaysa sa pagsasaliksik ng mga penomena sa kalangitan, mga misteryo, mga sakuna, o politika.

May ilang tao na natututo nang kaunti tungkol sa kasaysayan, nakakaunawa ng kaunting politika, at, sa isang banda, gusto nilang magpakitang-gilas; sa isa pang banda, iniisip nila, “Ang Diyos na nagkatawang-tao ay nagtataglay ng diwa at katotohanan ng Diyos. Alam Niya ang katunayan na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay at nauunawaan Niya ang mga detalye nito. Kaya, kung nauunawaan ko ang politika at kasaysayan, kaya ko na bang matugunan ang Kanyang mga pangangailangan? Kaya ko na bang matugunan ang Kanyang pagkamausisa tungkol sa lahat ng bagay na ito?” Sinasabi Ko sa iyo, nagkakamali ka! Ang pinakakinasusuklaman Ko ay una, ang politika, at pangalawa, ang kasaysayan. Kung tatalakayin mo ang tungkol sa kasaysayan, kung magbabahagi ka ng mga nakakatawang anekdota na parang kuwento, o kaswal na makikipagdaldalan para lang palipasin ang oras, ayos lang. Pero kung ituturing mo ang mga salitang ito, ang mga usaping ito, bilang seryosong paksa para talakayin sa Akin, para sumipsip, lumikha ng ugnayan, nagkakamali ka; hindi Ko nais na pakinggan ang mga ito. May ilang tao na nagkakamali sa pag-iisip na, “Ibinabahagi Mo ang katotohanan at nagpapatawag ng mga pagtitipon para sa mga tao dahil kailangan Mo; sa kaibuturan Mo, ang pinakagusto Mo ay malaking kaguluhan sa mundo. Natatakot Kang hindi sapat ang kaguluhan sa mundo. Kapag may sakuna, sino ang nakakaalam kung gaano Ka kasaya nang walang nakakakita, marahil ay nagsisindi Ka pa ng mga paputok para magdiwang!” Sinasabi Ko sa iyo, hindi ganyan ang nangyayari. Kahit na mamatay at bumagsak ang malaking pulang dragon, mananatili Ako kung ano Ako. Tinatanong ng ilang tao, “Hindi Ka ba matutuwa kung bumagsak ang malaking pulang dragon? Kapag ang malaking pulang dragon ay nawasak at naparusahan, hindi ba’t dapat Kang magpaputok ng mga paputok? Hindi ba’t dapat Kang magdaos ng isang malaking piging at magdiwang kasama ng mga hinirang ng Diyos?” Sabihin mo sa Akin, ito ba ang dapat Kong gawin? Tama o mali ba na gawin ito? Umaayon ba ito sa katotohanan? Sinasabi ng ilan: “Labis na inusig ng malaking pulang dragon ang mga hinirang ng Diyos, ito ay nagpakalat ng mga tsismis tungkol sa Diyos at siniraan ang Kanyang pangalan, nilapastangan at hinusgahan ang Diyos. Hindi ba’t dapat tayong magdiwang kapag natanggap na nito ang kabayaran nito?” Kung magdiriwang kayo, pinapayagan Ko ito, dahil mayroon kayong inyong mga pakiramdam. Kung kayong lahat ay masaya, nananatiling gising sa loob ng tatlong araw at gabi, nagtitipon upang basahin ang mga salita ng Diyos, kumakanta ng mga himno at sumasayaw upang purihin ang katuwiran ng Diyos, nagagalak na sa wakas ay winasak at niyurakan ng Diyos ang malaking pulang dragon, ang kaaway, sa ilalim ng Kanyang mga paa, at ang mga hinirang ng Diyos ay hindi na magdurusa sa pang-uusig at pagpapahirap nito, hindi na hindi makakauwi sa kanilang mga tahanan, at sa wakas ay makakabalik na sa kanilang mga pamilya, ang pakiramdam ng lahat ay kauna-unawa. Kung nais ninyong magdiwang at magpahinga sa ganitong paraan, pumapayag Ako. Ngunit para sa Akin, gagawin Ko ang nararapat Kong gawin; hindi Ako nakikilahok sa mga aktibidad na ito. Tinatanong ng ilang tao: “Bakit Ka may ganyang saloobin? Hindi ba’t ito ay nakakapanghina ng loob ng mga tao? Bakit hindi Ka magpakita ng kaunting alab ng damdamin? Kung wala Ka sa pinakakritikal na sandali, paano kami magdiriwang?” Ang pagdiriwang ay hindi mali, pero may isang bagay na kailangan nating ibahagi nang malinaw: Sabihin nating naparusahan ang malaking pulang dragon, inalis na ito ng Diyos; ang demonyong haring ito, na minsang naglingkod upang gawing perpekto ang mga hinirang ng Diyos, ay nawasak at napuksa—kaya, paano naman ang tayog ng mga hinirang ng Diyos? Gaano karaming katotohanan ang inyong naunawaan? Kung kayong lahat ay makakagawa ng inyong mga tungkulin nang maayos, kung kayong lahat ay kwalipikadong nilikha, kayang matakot sa Diyos at iwasan ang kasamaan, ang bawat tao ay nagtataglay ng tayog nina Job at Pedro, at lahat ay naligtas na, kung gayon ay tunay na masayang sandali ito, isang bagay na karapat-dapat ipagdiwang. Gayumpaman, kung isang araw ay bumagsak ang malaking pulang dragon at ang inyong tayog ay hindi umaabot sa antas ng matapat na paggawa sa inyong mga tungkulin, kung wala pa ring takot sa Diyos sa inyo, at hindi ninyo magawang umiwas sa kasamaan, napakalayo sa tayog nina Job at Pedro, hindi kayang tunay na magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at hindi matuturing bilang mga kwalipikadong nilikha, kung gayon ano ang inyong ikatutuwa? Hindi ba’t ito ay pagpapakasaya lamang sa walang kabuluhang kagalakan? Ang gayong pagdiriwang ay walang kahulugan at walang halaga. Sinasabi ng ilang tao: “Labis kaming inuusig ng malaking pulang dragon; tiyak na ayos lang naman na kamuhian namin ito? Ang kilalanin ang diwa nito ay ayos lang, hindi ba? Labis kami nitong inusig; bakit hindi kami maaaring maging masaya kapag ito ay naalis na?” Ayos lang na maging masaya, na ipahayag ang inyong mga emosyon. Gayunpaman, kung iniisip mo na ang pagkawasak ng malaking pulang dragon ay nangangahulugan ng pagtatapos ng plano ng pamamahala ng Diyos, na ang sangkatauhan ay naligtas na, itinutumbas ang pagkawasak ng malaking pulang dragon sa pagtatapos ng plano ng pamamahala ng Diyos, gayundin sa iyong sariling kaligtasan at pagiging perpekto, hindi ba’t mali ang pagkakaintindi na ito? (Mali nga.) Kaya, ano ang inyong nauunawaan ngayon? Tungkol sa kaaway ng Diyos, ang malaking pulang dragon, ang kapalaran nito at kung paano ito ay mga usapin na ng Diyos, at walang kaugnayan sa iyong paghahangad sa pagbabago ng disposisyon o kaligtasan. Ang malaking pulang dragon ay isa lamang hambingan, gamit-panserbisyo, na nasasailalim sa mga pamamatnugot ng Diyos. Ano man ang ginagawa nito at kung paano ito ginagamit ng Diyos upang magserbisyo ay mga usapin na ng Diyos, walang kaugnayan sa mga tao. Samakatwid, kung masyado kang nag-aalala tungkol sa kapalaran nito, na hinahayaan mo itong makaabala sa iyong puso, kung gayon ay may suliranin, may problema. Ang Diyos ay may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, kasama na ang malaking pulang dragon, lahat ng mga diyablo, at mga Satanas, kaya ano man ang ginagawa ng mga diyablo at Satanas, kung paano man sila, ay walang kaugnayan sa iyong buhay pagpasok o pagbabago ng disposisyon. Ano ang may kaugnayan sa iyo? Kailangan mong kilalanin ang buktot at malupit na diwa ng paglaban nito sa Diyos, ang diwa nito na antagonistiko sa Diyos at kaaway ng Diyos—ito ang kailangan mong maunawaan. Tungkol naman sa iba pa, kung ano mang mga sakuna ang idudulot dito ng Diyos, kung paano pinamamatnugutan ng Diyos ang kapalaran nito, wala itong kaugnayan sa iyo, at ang malaman ito ay walang silbi. Bakit wala itong silbi? Dahil kahit na malaman mo, hindi mo maiintindihan kung bakit kumikilos ang Diyos sa gayong paraan. Kahit na makita mo ito, hindi mo malalaman kung bakit pinipili ng Diyos na kumilos sa gayong paraan, hindi mo kayang lubusang maunawaan ang katotohanan sa likod nito. Tatapusin Ko na ang paksang ito dito sa ilang maikling pahayag lamang na ito.

Ang mga pagpapamalas ng mga anticristo sa paggamit ng paninipsip, pambobola, at mga salitang masarap pakinggan, siyempre, ay makikita rin sa mga ordinaryong tiwaling tao, ngunit ano ang pagkakaiba ng mga anticristo sa mga ordinaryong tiwaling tao? Sa kanilang paninipsip, pambobola, at mga salitang masarap pakinggan, ay walang respeto, walang sinseridad. Sa halip, ang layon nila ay paglaruan, subukan, at gamitin ang Diyos na nagkatawang-tao, kaya’t lumilitaw ang mga pagsasagawang ito; mayroon silang sariling mga layon. Nais nilang paglaruan ang ordinaryong taong nakikita nila sa kanilang harapan sa pamamagitan ng paninipsip, pambobola, at mga salitang masarap pakinggan, upang lokohin si Cristo, upang hindi makita ni Cristo kung sino talaga sila, anong klaseng mga tiwaling disposisyon ang mayroon sila, anong klaseng integridad, anong klaseng diwa ang taglay nila, at sa aling kategorya ng tao sila nabibilang. Nais nilang manloko at manlinlang, tama ba? (Oo.) Sa kanilang paninipsip, pambobola, at mga salitang masarap pakinggan, mayroon bang kahit isang sinserong salita? Wala ni isa. Ang intensyon at layon ng mga anticristo ay ang manlinlang, manloko, at manlaro. Hindi ba’t ang mga pagsasagawang ito ang diwa ng mga anticristo na hinahamak ang katotohanan? (Oo.) Iniisip nila na ang lahat ng ordinaryong tao ay gustong makarinig ng magagandang salita, natutuwa sa pambobola, at gustong magpaalipin ang iba sa kanila, na nagbibigay sa kanila ng pakiramdam ng kahalagahan at nagpapakita na ang kanilang katayuan ay tila mas iginagalang at mas engrande kaysa sa karaniwang tao. Sa kabaligtaran, kung ang isang tao ay labis na nagpapakaalipin sa harap ni Cristo, walang integridad at dignidad, nagsasalita nang paligoy-ligoy, palaging sinusubukang manlinlang, at palaging sinusubukang pagtakpan ang mga katunayan, tinatrato si Cristo nang may pagpapanggap at kabulaanan, bukod sa hindi tatanggapin ni Cristo ang anuman sa mga ito, maiinis pa Siya sa iyo sa Kanyang puso. Hanggang sa anong antas? Sasabihin ng Diyos na ang taong ito ay kasuklam-suklam, hindi nagsasalita ng kahit isang katotohanan, iniisip lamang kung paano sumipsip, walang mabuting dulot, hindi isang positibong karakter—ang gayong tao ay hindi maaasahan at hindi mapagkakatiwalaan. Hindi maaasahan at hindi mapagkakatiwalaan; ito ang depinisyong ibinibigay sa mga gayong tao. Sa panlabas, itong dalawang parirala lamang na ito, ngunit sa aktuwal, ang gayong tao ay hindi nagmamahal sa katotohanan, hindi makakamtan ang katotohanan, at malamang na hindi maliligtas. Ano ang kahalagahan at halaga ng pananalig ng gayong tao sa Diyos kung hindi naman niya makakamit ang katotohanan at malamang na hindi siya maliligtas? Kung hindi siya nagdudulot ng mga pagkagambala o kaguluhan, maaari lamang siyang gumanap ng papel ng isang hambingan o gamit-panserbisyo sa sambahayan ng Diyos, tulad lamang ng malaking pulang dragon. Ano ang ibig sabihin ng gumanap ng papel ng isang bagay? Ibig sabihin ay pansamantala, hangga’t kaya nila, tulad ng paghila sa isang kariton, na nagpapatuloy hangga’t hindi nila ito naitutumba. Bakit sila pinapagampan ng isang papel? Dahil ang mga gayong tao ay hindi naghahangad ng katotohanan. Labis nilang kinamumuhian at hinahamak ang katotohanan sa kanilang puso, labis nilang pinagtatawanan at pinaglalaruan ang katotohanan, kaya ang kanilang pinakawakas ay tiyak na magiging katulad ng kay Pablo, hindi makakarating sa dulo. Samakatwid, ang gayong uri ng tao ay maaari lamang gumanap ng papel ng isang pansamantalang tagapagserbisyo sa sambahayan ng Diyos. Sa isang banda, tinutulutan nila ang mga tunay na naghahangad sa katotohanan na lumago sa pagkilatis at pag-unawa. Sa isa pang banda, ginagawa nila ang anumang kaya nila sa sambahayan ng Diyos, nagseserbisyo hangga’t kaya nila, dahil ang mga gayong tao ay hindi makakarating sa dulo ng landas.

Isang araw, nang lumabas Ako, nakasalubong Ko ang isang kakilala. Bago pa man Ako makapagsalita, tinanong na niya Ako, “Matagal na simula noong huli tayong magkita. Araw-araw akong naghihintay sa Iyo rito, sobra akong nagungulila sa Iyo na hindi ako makapanatili sa bahay. Lagi Kitang hinahanap sa mga tao na nagpaparoo’t parito!” Naisip Ko, baka medyo may sakit sa pag-iisip ang taong ito. May usapan ba tayo? Bakit mo Ako hihintayin dito araw-araw? Dahil nagkita na rin naman tayo, mag-usap tayo nang may kabuluhan. Tinanong Ko siya, “Kumusta ka nitong mga nakaraang araw?” Sumagot siya, “Ay, huwag Mo nang itanong. Mula noong huli tayong magkita, lagi Kitang iniisip kaya hindi ako makakain o makatulog. Umaasa lang ako na makita Kita balang araw.” Sabi Ko, “Mag-usap tayo nang may kabuluhan. Kumusta ang kalagayan mo sa panahong ito?” “Mabuti naman. Ayos lang naman.” “Nagkaroon ba ng halalan sa inyong iglesia? Pareho pa rin ba ang lider?” “Hindi, si ano na ang inihalal nila.” “Kumusta siya?” “Okey naman siya.” “Bakit pinalitan ang dating lider ng iglesia?” “Hindi ko alam; okey lang naman siya.” “Idetalye mo, huwag mo lang palaging sabihing ‘okey’. Ito ba ay dahil hindi niya kayang gampanan ang mga kongkretong gawain?” “Okey naman siya sa tingin ko.” “Kumusta naman ang pagkatao ng bagong halal na lider? Kumusta ang kanyang pagkaarok sa katotohanan? Kaya ba niyang gumampan ng kongkretong gawain?” “Okey naman siya.” Kahit ano pa ang itanong ko sa kanya, palaging “okey” ang sagot niya, kaya napakahirap niyang kausap. Kaya umalis na lang Ako. Ano ang tingin mo sa kuwentong ito? Ano ang dapat na maging pamagat sa kuwentong ito? (“Okey.”) Ang pamagat ng kuwentong ito ay “Okey.” Sa Aking pakikipag-ugnayan sa maraming tao, kakaunti ang nagsasalita nang batay sa katwiran ng tao, lalong walang nagsasalita ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Ang bibig ng karamihan ng mga tao ay puno ng kasinungalingan, walang kuwentang salita, mga panlilinlang, at mga mapagmataas na salita; walang ni isang makatotohanang pahayag. Ni hindi Ko nga hinihingi na bawat pangungusap na sabihin mo ay dapat na naaayon sa katotohanan o may katotohanang realidad, ngunit sa pinakamababa, dapat ay magawa mong magsalita tulad ng isang tao, magpakita ka ng kaunting sinseridad, magpakita ng kaunting totoong damdamin. Kung wala ang mga ito, posible bang magkaroon ng pag-uusap? Hindi. Lagi kang nagsasabi ng mga walang kabuluhang salita at kasinungalingan; kapag nahaharap sa mga sitwasyon, lumalabas ang lahat ng walang kuwentang salita, panlilinlang, mga nakakainsultong salita, at mapagmataas na salita, at mga salita ng pangangatwiran at pagtatanggol ang lumilitaw, kaya imposibleng magkasundo o mag-usap, tama ba? (Tama.)

Maraming tao ang kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, na naniniwalang ang mga salitang ito ay may kaugnayan lamang sa Diyos na nasa langit, sa Espiritu ng Diyos, at sa Diyos na hindi nakikita at hindi nahahawakan. Dahil napakalayo ng Diyos na iyon, kaya itinuturing ang Kanyang mga salita na may sapat na lalim upang matawag na katotohanan. Gayumpaman, ang ordinaryong taong ito sa kanilang harapan, isang taong nakikita at naririnig kapag nagsasalita, ay pinag-iisipan na walang gaanong kaugnayan sa katotohanan, sa Diyos, o sa diwa ng Diyos. Ito ay dahil Siya ay nakikita at napakalapit sa mga tao, hindi Niya naaapektuhan ang kanilang puso o mata sa anumang paraan, at hindi Siya nagdudulot ng anumang pakiramdam ng mahiwagang pagkamausisa sa kanila. Pakiramdam ng mga tao, ang ordinaryo, nahahawakan, at nagsasalitang taong ito ay masyadong madaling maintindihan, masyadong halata. Iniisip pa nga nila na kaya nila Siyang unawain at kilatisin sa isang tinginan lang. Bilang resulta, hindi namamalayan ng mga tao na tinatrato nila si Cristo nang tulad ng kung paano nila tinatrato ang isang tao, nang tulad ng kung paano nila tinatrato ang sinumang taong may katayuan o kapangyarihan. Naaayon ba ito sa mga katotohanang prinsipyo? Paano maitutumbas si Cristo sa mga tiwaling taong may katayuan at kapangyarihan? Kapag ang mga tao ay sumisipsip at binobola ang mga tiwaling indibidwal na may katayuan at kapangyarihan, nakakamit nila ang mga benepisyo at ang pagpapahalaga ng mga ito. Ang mga tiwali ay nasisiyahan dito; nais nila ang paninipsip, pambobola, at pagpapasikat ng iba, dahil pinagmumukha sila nitong marangal at mataas, na lalong nagbibigay-diin sa kanilang sariling katayuan at kapangyarihan. Gayumpaman, si Cristo, na may diwa ng Diyos, ay ang eksaktong kabaligtaran. Kapag ang isang tao ay may katayuan at kasikatan, hindi ito dahil sa sila ay may marangal na diwa o karakter; kaya, kailangan nilang gamitin ang lahat ng uri ng paraan upang makuha ang pag-iidolo at pambobola ng iba upang maipakita nila ang kanilang kasikatan at katayuan. Sa kabaligtaran, si Cristo, na may diwa ng Diyos, ay likas na nagtataglay ng pagkakakilanlan at katayuan ng Diyos, na mas mataas kaysa sa diwa at katayuan ng sinumang nilikha. Ang Kanyang pagkakakilanlan at diwa ay umiiral nang obhetibo, na hindi nangangailangan ng pagsamba ng sinumang nilikha upang Siya ay mapatunayan; ni hindi Niya kailangan ang paninipsip o pambobola upang ipakita ang Kanyang pagkakakilanlan, diwa, o ang Kanyang marangal na katayuan. Ito ay dahil isang likas na katunayan na si Cristo ay nagtataglay ng diwa ng Diyos; hindi ito ipinagkaloob sa Kanya ng sinumang tao, lalong hindi ito nakuha sa pamamagitan ng maraming taon ng karanasan kasama ng sangkatauhan. Ibig sabihin, kahit wala ang lahat ng nilikha, ang pagkakakilanlan at diwa ng Diyos ay mananatiling ganoon; kahit walang sinumang nilikha na sumasamba o sumusunod sa Diyos, ang diwa ng Diyos ay nananatiling hindi nagbabago—ito ay isang katunayang hindi nagbabago. Ang mga anticristo ay maling naniniwala na anuman ang sinasabi o ginagawa ni Cristo, kailangang gumamit ang mga tao ng mga salitang masarap pakinggan, kailangan nilang pumalakpak, kailangang sumunod, at kailangang sumipsip upang matugunan ang mga kagustuhan ni Cristo at hindi sumalungat sa Kanyang mga layunin, iniisip nila na dahil dito ay maaaring maramdaman ni Cristo ang pag-iral ng Kanyang pagkakakilanlan at katayuan. Ito ay isang malubhang pagkakamali! Paano nakakamit ng sinuman sa tiwaling sangkatauhan na may kasikatan, kapangyarihan, at katayuan ang kanilang kasikatan at kapangyarihan? (Sa pamamagitan ng paninipsip at pagpapasikat.) Ito ay isang aspekto. Bukod dito, sa pangunahin, ito ay sa pamamagitan ng kanilang pakikibaka at pagsisikap sa mga tao, maging sa pamamagitan ng manipulasyon, at sa pamamagitan ng pagkuha o pagsamsam nito gamit ang iba’t ibang paraan. Iyon ay isang reputasyon lamang, isang mataas na posisyon o ranggo sa mga tao. Ang mataas na posisyong ito, mataas na ranggo, at mataas na katayuan ay nagiging dahilan upang mamukod-tangi ang isang tao sa karamihan, maging isang lider, isang tagapagpasya na may karapatang magdesisyon. Pero ano ang diwa ng taong ito na may katayuan at kasikatan, na nakatataas sa mga tao? May pagkakaiba ba sila sa iba? Ang kanilang pagkakakilanlan at diwa ay parehong-pareho sa sinumang ordinaryong tiwaling tao; sila ay isang ordinaryong nilikha na ginawang tiwali sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, may kakayahang ipagkanulo ang katotohanan at mga positibong bagay, na may kakayahang pagbaligtarin ang tama at mali, sumalungat sa mga katunayan, gumawa ng kasamaan, lumaban sa Diyos, at labanan at isumpa ang Langit. Ang kanilang tunay na pagkakakilanlan at diwa ay iyong sa isang taong ginawang tiwali ni Satanas, sa isang taong may kakayahang lumaban sa Diyos, kaya ang kanilang kasikatan at katayuan ay nagiging mga walang kabuluhang titulo lamang. Ang mga walang awa, malupit, at malisyoso, na handang pumatay o manakit ng iba para sa katayuan at kasikatan, ay nakakakuha ng matataas na posisyon. Ang mga kayang magpakana, na may mga pamamaraan at marunong magplano, ay nagiging lider ng mga tao. Ang mga indibidwal na ito ay mas malisyoso, brutal, at buktot kaysa sa mga ordinaryong tiwaling tao. Gusto nilang tinatrato sila ng walang iba kundi nang may mga salitang masarap pakinggan, pagpapasikat, paninipsip, at pambobola. Kung sasabihin mo ang katotohanan sa kanila, ilalagay mo ang iyong buhay sa panganib. Dinadala ng mga anticristo ang mga makamundong tuntunin ng laro at mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo sa sambahayan ng Diyos, ginagamit ang mga ito sa kanilang mga pakikisalamuha kay Cristo. Iniisip nila na kung gusto ni Cristo na maitatag nang matibay ang Kanyang sarili, siguradong gusto rin Niyang may mga sumisipsip, nambobola sa Kanya at nagsasabi sa Kanya ng mga salitang masarap pakinggan. Sa paggawa nito, tuso nilang itinuturing ang laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos bilang isang miyembro lamang ng tiwaling sangkatauhan, na siyang paraan ng mga anticristo. Samakatwid, ang disposisyon na ipinapakita ng mga anticristo sa kanilang pakikisalamuha kay Cristo ay walang duda na buktot. Sila ay may buktot na disposisyon, mahilig maghaka-haka at magmuni-muni tungkol sa mga iniisip ng mga tao, mahilig magtantiya ng mga salita at ekspresyon ng iba, at mahilig gumamit ng ilang paraan, ilang tuntunin ng laro na ginagamit ng mga sekular na tao sa pakikitungo kay Cristo at sa mga usaping may kinalaman sa kanilang pakikisalamuha kay Cristo. Ano ang pinakamalubhang pagkakamali nila? Bakit nila nagagawang kumilos nang ganito? Nasaan ang ugat? Sinasabi ng Diyos na ang Diyos na nagkatawang-tao ay isang ordinaryong tao. Natuwa ang mga anticristo nang marinig ito, sinasabi nila: “Kung gayon ay pakikitunguhan Kita bilang isang ordinaryong tao; ngayon ay mayroon na akong batayan kung paano Ka pakikitunguhan.” Kapag sinabi ng Diyos na ang laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos ay may diwa ng Diyos, tumutugon ang mga anticristo: “Diwa ng Diyos? Bakit hindi ko ito makita? Nasaan ito? Paano ito naipapamalas? Ano ang Kanyang ibinubunyag upang patunayan na mayroon Siyang diwa ng Diyos? Ang alam ko lamang ay sumipsip at bolahin ang mga may katayuan. Hindi ako kailanman maaaring magkamali sa paninipsip at pambobola sa mga tao; palaging ito ang tamang gawin. Ano’t anuman, mas mabuti ito kaysa sa pagsasabi ng katotohanan.” Ito ang kabuktutan ng mga anticristo. Ganito hindi naniniwala o hindi tumatanggap sa katotohanan ang mga anticristo, namumuhay lamang sa pamamagitan ng pilosopiya ni Satanas.

Sinasabi ng ilang tao: “Gusto ng lahat ang mga taong kayang sumipsip, mambola, at magsabi ng mga salitang masarap pakinggan; tanging ang Diyos ang ayaw sa mga gayong tao. Kaya, anong uri ng tao ang talagang gusto ng Diyos? Paano ba dapat makipag-ugnayan ang isang tao sa Diyos para magustuhan Niya?” Alam ba ninyo? (Gusto ng Diyos ang mga tapat na tao, mga taong nagsasabi ng kanilang saloobin sa Diyos, mga taong nagsasabi ng nasa kanilang puso at nakikipagbahaginan sa Diyos nang walang panlilinlang.) May iba pa ba? (Iyong mga may-takot-sa-Diyos na puso, na kayang makinig at tumanggap ng mga salita ng Diyos.) (Iyong mga may pusong nakatuon sa sambahayan ng Diyos, na kaisa ng puso ng Diyos.) Lahat kayo ay nagbanggit na ng ilang aspekto ng pagiging tapat na tao na dapat isagawa. Ang pagiging matapat na tao ay hinihingi ng Diyos sa tao. Ito ay isang katotohanan na kailangang isagawa ng tao. Ano, kung gayon, ang mga prinsipyong dapat sundin ng tao sa mga pakikitungo nila sa Diyos? Maging sinsero: Ito ang prinsipyo na dapat sundin kapag nakikisalamuha sa Diyos. Huwag gayahin ang pagsasagawa ng mga walang pananampalataya na paninipsip o pambobola; hindi kailangan ng Diyos ang pambobola at paninipsip ng tao, sapat na ang maging tapat. At ano ba ang ibig sabihin ng maging tapat? Paano ba ito dapat isagawa? (Buksan lamang ang iyong puso sa Diyos, nang walang halong pagpapanggap o walang ikinukubling anuman o itinatagong anumang sikreto, makipag-ugnayan sa Diyos nang may tapat na puso, at magsalita nang diretsahan, nang walang anumang masamang layunin o panloloko.) Tama iyan. Upang maging matapat, dapat mo munang isantabi ang iyong mga pansariling pagnanasa. Sa halip na magtuon ng pansin sa kung paano ka itinuturing ng Diyos, dapat mong ipagtapat ang iyong sarili sa Diyos at sabihin ang anumang nasa puso mo. Huwag pag-isipan o isaalang-alang kung ano ang mga magiging kahihinatnan ng mga salita mo; sabihin kung anuman ang iniisip mo, isantabi ang mga motibasyon mo, at huwag magsalita ng mga bagay upang makamtan lamang ang ilang layunin. Mayroon kang masyadong maraming mga personal na layunin at adulterasyon, palagi kang nagtatantiya sa paraan ng iyong pagsasalita, isinasaalang-alang ang, “Dapat ko itong sabihin, at hindi iyon, dapat akong mag-ingat tungkol sa aking sasabihin. Gagawin ko ito sa paraang nakikinabang ako, at natatakpan ang aking mga pagkukulang, at mag-iiwan ng magandang impresyon sa Diyos.” Hindi ba’t ito ay pagkikimkim ng mga motibo? Bago mo ibuka ang iyong bibig, puno ang isip mo ng mga buktot na kaisipan, makailang beses mong binabagu-bago ang gusto mong sabihin, nang sa gayon kapag lumabas na ang mga salita mula sa iyong bibig hindi na napakadalisay ng mga ito, at hindi na tunay kahit bahagya man lamang, at naglalaman na ng sarili mong mga motibo at mga pakana ni Satanas. Hindi ito ang pagiging sinsero; ito ay ang pagkakaroon ng masasamang motibo at layunin. Dagdag pa rito, kapag nagsasalita ka, lagi mong pinakikiramdaman ang mga ekspresyon ng mukha ng mga tao at ang tingin ng kanilang mga mata: Kung may positibo silang ekspresyon sa kanilang mukha, tuloy ka sa pagsasalita; kung wala naman, sinasarili mo ito at wala kang sinasabi; kung hindi maganda ang tingin ng mga mata nila, at tila hindi nila nagugustuhan ang kanilang naririnig, pinag-iisipan mo itong mabuti at sinasabi mo sa iyong sarili, “Sige, may sasabihin akong isang bagay na magiging interesado ka, na makapagpapasaya sa iyo, na magugustuhan mo, at kung saan kagigiliwan mo ako.” Ganito ba ang pagiging sinsero? Hindi. May ilang tao na hindi nag-uulat kapag nakakakita sila ng isang tao na gumagawa ng kasamaan at nagdudulot ng kaguluhan sa iglesia. Iniisip nila, “Kung ako ang unang mag-uulat nito, maaaring mapasama ko ang loob ng taong iyon, at kung sakaling nagkamali ako, kailangan kong mapungusan. Hihintayin ko na lang ang iba na mag-ulat nito, at makikisali na lang ako sa kanila. Kahit magkamali kami, hindi naman ito malaking usapin—hindi mo naman puwedeng hatulan ang maraming tao. Gaya ng kasabihan, ‘Ang ibong nag-uunat ng kanyang leeg ang unang nababaril.’ Hindi ako magiging ganoong ibon; isa kang hangal kung igigiit mong iunat ang iyong leeg.” Ito ba ay pagiging sinsero? Siguradong hindi. Ang gayong tao ay tuso talaga; kung siya ay magiging isang lider sa iglesia, isang taong nangangasiwa, hindi ba’t magdudulot siya ng kawalan sa gawain ng iglesia? Sigurado ito. Ang gayong tao ay hindi dapat gamitin. Kaya ba ninyong kilatisin ang gayong uri ng tao? Sabihin na natin, na may isang lider na gumawa ng ilang masamang bagay at ginulo ang gawain ng iglesia, pero walang nakakaalam kung ano talaga ang nangyayari sa taong ito, ni hindi rin alam ng nasa Itaas kung ano talaga ang pagkatao niya—ikaw lang ang nakakaalam kung ano talaga ang nangyayari sa kanya. Matapat mo bang sasabihin ang isyu sa Itaas sa gayong mga kalagayan? Ang isyung ito ang pinakanagbubunyag sa tao. Kung itinago mo ang usaping ito at wala kang sinabi kaninuman, kahit sa Diyos, at naghintay ka hanggang dumating ang araw na ang lider na iyon ay nakagawa na ng napakaraming kasamaan na nagdulot ng kaguluhan sa gawain ng iglesia, at nailantad at napangasiwaan na siya ng lahat, saka ka pa lang tatayo at magsasabi, “Alam ko na noon pa na hindi siya isang mabuting tao. Kaso iniisip ng iba na mabuti siya; kung nagsalita ako, walang maniniwala sa akin. Kaya, hindi ako nagsalita. Ngayong gumawa na siya ng ilang masamang bagay at alam na ng lahat kung sino talaga siya, puwede na akong magsalita tungkol sa tunay na nangyayari sa kanya,” iyon ba ay pagiging sinsero? (Hindi.) Kung sa tuwing may nalalantad na problema ng isang tao, o may inuulat na problema, lagi kang sumusunod sa karamihan at huli ka nang tumatayo at naglalantad o nag-uulat ng problema, ikaw ba ay sinsero? Wala sa mga ito ang pagiging sinsero. Kung hindi mo gusto ang isang tao, o may nagpasama ng loob mo, at alam mong hindi siya isang masamang tao, ngunit dahil mababaw ka, namumuhi ka sa kanya at gusto mo siyang paghigantihan, na gawin siyang katawa-tawa, maaari kang mag-isip ng mga paraan at maghanap ng mga pagkakataon na magsabi ng ilang masamang bagay tungkol sa kanya sa Itaas. Maaaring nagpapahayag ka lang ng mga katunayan, hindi mo naman kinokondena ang taong iyon, pero kapag ipinapahayag mo ang mga katunayang iyon, nabubunyag ang iyong hangarin: Gusto mong gamitin ang kamay ng Itaas o na may sabihin ang Diyos upang pangasiwaan siya. Sa pamamagitan ng pag-uulat sa Itaas ng tungkol sa mga problema, sinusubukan mong makamit ang iyong layon. Maliwanag na may halo itong mga personal na layunin, at tiyak na hindi ito pagiging sinsero. Kung siya ay isang masamang tao na nanggugulo sa gawain ng iglesia, at iniulat mo ito sa Itaas upang maprotektahan ang gawaing iyon, at higit pa roon, ang mga problemang inuulat mo ay ganap na totoo, iba iyon sa pangangasiwa ng mga bagay sa pamamagitan ng mga satanikong pilosopiya. Ito ay bunga ng pagpapahalaga sa katarungan at responsabilidad, at ito ang pagsasakatuparan ng iyong katapatan; ganito naipamamalas ang pagiging sinsero.

Ayaw ng Diyos sa mga taong sumisipsip, nambobola, o nagsasalita ng mga salitang masarap pakinggan. Kung gayon, anong uri ng tao ang gusto ng Diyos? Paano gusto ng Diyos na makipag-ugnayan at makipagbahaginan ang mga tao sa Kanya? Gusto ng Diyos ang mga matapat na tao, mga taong sinsero sa Kanya. Hindi mo kailangang isaalang-alang ang tono ng Kanyang boses at ekspresyon o magpakitang-gilas sa Kanya; kailangan mo lang maging sinsero, magkaroon ng sinserong puso, magkaroon ng pusong walang pagtatago, pagtatakip, o pagbabalatkayo, at hayaan mong magkatugma ang iyong panlabas na anyo sa iyong puso. Ibig sabihin, kapag pinapakitunguhan mo si Cristo at nakikipag-ugnayan ka sa Kanya, hindi mo kailangang magpakahirap, gumawa ng “takdang-aralin,” o maghanda o gumawa ng kahit ano nang maaga; wala sa mga ito ang kinakailangan. Gusto ng Diyos ang sinseridad: taos-puso, normal, at natural na pakikipag-usap at pakikipag-ugnayan. Kahit may masabi kang mali o gumamit ka ng mga hindi angkop na salita, hindi ito problema. Halimbawa, sabihin nating pumunta Ako sa isang lugar at tinanong Ako ng kusinero, “Mayroon bang bawal sa Iyong pagkain? Ano ang mga pagkaing kinakain Mo at hindi Mo kinakain? Ano ang dapat kong ihanda?” Sabi Ko: “Huwag masyadong maalat, walang maanghang na pagkain, at saka, hindi masyadong mamantika at walang pritong pagkain. Sa mga pangunahing pagkain, alinman sa kanin o pansit ay ayos na.” Malalim ba ang mga tagubiling ito? (Hindi.) Mauunawaan ito agad ng sinumang marunong magluto, nang hindi na kailangan pang mag-isip-isip, magbulay-bulay, o magkaroon ng detalyadong paggabay o paliwanag. Magluto ka lang ayon sa iyong karanasan, ito ay isang simpleng bagay. Ngunit kahit ang pinakamadaling bagay ay hindi magawa ng mga tao dahil sa kanilang mga tiwaling disposisyon at pagkamakasarili. Sinabi Ko na huwag masyadong mamantika, ngunit sa pagluluto, naglagay siya ng isang malaking kutsarang mantika para sa kaunting ulam na gulay, halos prituhin niya ito, kaya sobrang mamantika ang lasa. Sinabi Ko na huwag masyadong maalat, at nilagyan lang niya ng kaunting asin, kaya halos wala nang lasa. Sa dami ng mantika at napakatabang na lasa, masarap pa ba ito? Ni hindi magawa ng kusinero ang maliit na bagay na ito nang tama, at sinasabi pa nito, “Mahirap maarok ang mga layunin ng Diyos. Bawat salita na sinasabi ng Diyos ay ang katotohanan; mahirap para sa mga tao na isagawa ito!” Ano ang ibig sabihin ng “mahirap isagawa”? Hindi dahil mahirap itong isagawa, kundi dahil hindi mo ito isinasagawa. Napakatindi ng iyong pagkamakasarili; palagi kang may sariling mga layunin at mga personal na adulterasyon. Palagi mong gustong gawin ang mga bagay ayon sa iyong sariling kagustuhan, ginagawa ang lahat ayon sa iyong sariling panlasa. Sabi Ko: “Huwag magluto ng maanghang na pagkain. Kung gusto ninyong lahat ng maanghang na pagkain, maghanda kayo ng hindi maanghang na pagkain para sa Akin.” Pero kapag nagluluto sila, pinipilit nilang gawin itong maanghang; ang dami nilang nakakain at sarap na sarap sila. Sabi Ko: “Sinabi Ko sa iyo na huwag itong gawing maanghang. Bakit inanghangan mo pa rin ito?” “Kailangan talaga na maanghang ang pagkaing ito. Hindi ito masarap kung walang anghang, nawawala ang lasa nito kung walang anghang.” Anong klaseng tao ito? May mabubuti ba siyang layunin? May ilang tao na mahilig kumain ng karne; sabi Ko, “Kung gusto mo ng karne, magluto ka ng ulam na may maraming karne para sa sarili mo. Lagyan mo ng kaunting karne ang iluluto mo para sa Akin, o lutuan mo na lang Ako ng gulay.” Pumapayag siya agad, ngunit sa pagluluto, binabalewala niya ang kahilingan Ko, naglalagay siya ng malalaking piraso ng karne sa kaldero, nagdaragdag pa ng sili. Mamantika na ang karne, at piniprito pa niya ito, niluluto niya ang lahat ng pagkain ayon sa kanyang matinding panlasa. Kung hindi Ko siya hahayaang gawin ito, hindi ito katanggap-tanggap sa kanya; sinasabi pa niya: “Napakahirap Mong pasiyahin. Masarap ito! Lahat ay kumakain nito, pero bakit ayaw Mo? Hindi ba’t niluluto ko ito para sa Iyo? Ang pagkain ng mas marami ay mabuti para sa Iyong kalusugan, nagbibigay ito ng lakas sa Iyo. Kung malusog Ka, hindi ba’t makakapangaral Ka ng mas maraming sermon? Inaalala ko ang kapakanan Mo at ng mga kapatid sa iglesia.” Hindi ba’t lubhang nakagugulo ang taong ito? May matindi siyang kagustuhan sa lahat ng bagay, may sarili siyang opinyon at ideya sa lahat ng bagay. Huwag nang sabihin pa kung taglay ba niya ang katotohanan o hindi, ni wala nga siya ng pinakabatayang pagkatao. Ito ba ay pagiging sinsero? (Hindi.) Sa simula, nang tinanong Ako ng taong ito, parang disente naman siya, parang makakapagluto naman siya nang mahusay. Ngunit nang inihain na ang pagkain, alam Ko na—maganda ang kanyang pagsasalita, parang mabuti siya sa Akin, pero sa katunayan, siya ay makasarili at kamuhi-muhi.

May isang tao na ganito na madalas Kong makita; siya ay likas na mapagkalkula at mabilis mag-isip. Kapag nakikipag-ugnayan siya sa Akin, sa sandaling inumin Ko ang gamot Ko, mag-aabot na siya ng tubig; kapag paalis na Ako, kinukuha na niya ang bag Ko, at kapag nakita niyang malamig sa labas, mag-aabot din siya ng balabal at guwantes. Iniisip Ko: Mabilis siya, pero bakit parang nakakaasiwa? Papasok man ako o lalabas, nagsusuot ng damit, sapatos, o sombrero, palaging may mas nauuna sa Akin. Ano sa palagay ninyo ang nararamdaman Ko? Dapat ba Akong matuwa o mainis? (Mainis.) Maiinis ba kayo sa ganitong klaseng ugali? (Oo.) Kung lahat kayo ay maiinis, sa palagay ba ninyo ay maiinis din Ako? (Oo.) May ilang tao na pagkatapos gawin ang lahat ng ito para sa Akin, ang nasisiyahan sa sarili at nagmamalaki, sinasabi nila: “Noong nagtatrabaho ako, gusto ako ng amo ko. Kahit saan ako pumunta, gusto ako ng mga tao dahil mabilis akong mag-isip.” Ang ipinahihiwatig ay marunong silang magpasikat, sumipsip, at mambola; hindi sila manhid, mabagal, o hangal; mabilis silang kumilos at matalas mag-isip, kaya nagugustuhan sila saan man sila magpunta. Sinasabi nila na gusto sila ng lahat, ibig sabihin ay dapat Ko rin silang magustuhan. Gusto Ko ba sila? Inis na inis Ako sa kanila! Iniiwasan Ko ang mga gayong tao sa tuwing nakikita Ko sila. May iba pa na, dahil nakikita nila kung paanong ang mga bodyguard at sipsip na tauhan ng mga amo ng kriminal at ng malalaking kontrabida ay binubuksan ang pinto ng kotse at pinoprotektahan ang ulo ng kanilang mga amo sa mundo, ginagawa rin nila ito para sa Akin. Bago pa Ako makasakay sa kotse, binubuksan na nila ang pinto, pagkatapos ay pinoprotektahan ang Aking ulo gamit ang kanilang kamay, tinatrato Akong katulad ng kung paano tinatrato ng mga walang pananampalataya ang isang namumunong kadre. Nasusuklam Ako sa mga gayong tao. Ang mga taong ito, na hindi naghahangad sa katotohanan kahit kaunti, ay may pagkatao na makasarili, kamuhi-muhi, at kasuklam-suklam, at wala silang anumang pakiramdam ng pagkahiya. Kapag nakikipag-ugnayan ka sa iba, sumisipsip at nambobola sa mga may katayuan at kasikatan, at walang tigil sa labis na papuri, kahit ang ilang matuwid na tao ay nasusuklam dito at hinahamak nila ang gayong uri ng mga tao. Kung gagawin mo ito sa Akin, lalo Akong masusuklam. Huwag na huwag mong gagawin ito sa Akin; hindi Ko ito kailangan, kinasusuklaman Ko ito. Ang kailangan Ko ay hindi ang iyong paninipsip, pambobola, o labis na papuri. Kailangan Ko na maging sinsero ka sa Akin, na magsalita nang mula sa puso kapag tayo ay nagkikita, na talakayin mo ang iyong pag-unawa, mga karanasan, at kakulangan, na talakayin ang katiwalian na iyong ibinubunyag sa proseso ng paggawa sa inyong tungkulin, at mga bagay na nararamdaman mong wala sa iyo sa iyong mga karanasan. Puwede kang makipag-ugnayan at makipagbahaginan tungkol sa lahat ng bagay na ito, at puwede mo ring tuklasin ang mga ito. Anuman ang paksang ating pagbahaginan o pag-usapan, kailangan mong maging sinsero, at magkaroon ng ganitong puso at saloobin. Huwag mong isipin na sa pamamagitan ng paninipsip, pagpapasikat, pambobola, o pagpapalakas ng sarili ay makapag-iiwan ka ng magandang impresyon—ganap na wala itong silbi. Sa kabaligtaran, ang gayong ugali ay hindi lamang walang maidudulot na pakinabang kundi maaari ding magdulot ng malaking kahihiyan sa iyo at maglantad ng iyong kahangalan.

Ang mga taong hindi man lang kayang maging sinsero kay Cristo, anong uri ng mga tao sila? Kung sinsero ka sa pakikitungo sa iba, natatakot kang malaman nila ang iyong tunay na kalagayan at sasaktan ka nila, natatakot ka na puwede kang lokohin, pagsamantalahan, tuyain, o hamakin ng iba. Gayumpaman, ano ang kinatatakutan mo sa pagiging sinsero kay Cristo? Kung may mga ganitong pangamba sa iyong puso, problema iyan. Kung hindi mo kayang maging sinsero, problema mo rin iyon; ito ay isang bahagi kung saan dapat mong hangarin ang katotohanan at dapat kang magsikap para sa pagbabago. Kung talagang naniniwala ka at kinikilala mo na ang taong nasa harap mo ay ang Diyos na iyong pinaniniwalaan, ang Diyos na iyong sinusunod, kung gayon ay hindi ka dapat makipag-ugnayan sa Kanya sa pamamagitan ng paninipsip, pambobola, at pagsasalita ng mga salitang masarap pakinggan. Sa halip, maging sinsero, magsalita mula sa puso at magsabi ng mga salitang batay sa katunayan. Huwag magsabi ng mga bagay na naglalayong magpanggap, o magsabi ng mga kasinungalingan o mga salitang may pagtatago, o makisangkot sa panlalansi o pagpapakana. Ito ang pinakamainam na paraan upang makipag-ugnayan kay Cristo. Kaya ba ninyong makamit ito? Alin ang positibo: ang pagiging sinsero, o ang paninipsip at pambobola? (Ang pagiging sinsero.) Ang pagiging sinsero ay positibo, habang ang paninipsip at pambobola ay negatibo. Kung ang mga tao ay hindi kayang makamit ang positibong bagay na pagiging sinsero, nagpapahiwatig ito ng problema sa kanila, ng isang tiwaling disposisyon. Labis-labis ba ang hinihingi Kong ito? Kung iniisip mo na ito ay labis-labis, kung iniisip mo na hindi Ako karapat-dapat sa gayong pakikitungo, na hindi karapat-dapat para sa iyo na makipag-ugnayan sa Akin sa gayong sinserong paraan at nang may gayong sinserong saloobin, mayroon ka bang mas magandang pamamaraan, mas magandang diskarte? (Wala.) Kung gayon, isagawa ninyo ang pamamaraang ito. Tapusin natin ang ating pagbabahaginan sa aytem na ito sa puntong ito.

B. Pagsisiyasat at Pagsusuri, na May Kasamang Pag-uusisa

Susunod ay dumako tayo sa pangalawang aytem—ang pagsisiyasat at pagsusuri, na may kasamang pag-uusisa. Madali bang maunawaan ang aytem na ito? Kaugnay sa mga kilos at salita ng Diyos na nagkatawang-tao, pati na rin sa personalidad o disposisyon na nabunyag sa bawat salita at gawa Niya, o kahit sa Kanyang mga kagustuhan, ang mga normal na tao ay dapat ituring ang mga ito nang tama. Ang mga tunay na sumusunod sa Diyos at naghahangad sa katotohanan ay itinuturing ang mga panlabas na pagpapahayag na ito ni Cristo bilang ang normal na panig ng Kanyang laman. Kaugnay sa mga salitang sinasabi ni Cristo, kaya nilang pakinggan at arukin ang mga ito nang may saloobin na itinuturing ang mga ito bilang ang katotohanan, mula sa mga salitang ito ay nauunawaan nila ang mga layunin ng Diyos, nauunawaan ang mga prinsipyo ng pagsasagawa, at nakakahanap ng landas ng pagsasagawa upang makapasok sa katotohanang realidad. Ngunit iba ang ikinikilos ng mga anticristo. Kapag inoobserbahan nila si Cristo na nagsasalita at kumikilos, ang nilalaman ng kanilang mga puso ay hindi pagtanggap o pagpapasakop, kundi pagsisiyasat: “Saan nanggagaling ang mga salitang ito? Paano sinasabi ang mga ito? Paisa-isa itong sinasabi—pinag-isipan ba ito o bunga ng inspirasyon ng Banal na Espiritu? Ang mga salitang ito ba ay natutunan o inihanda nang maaga? Bakit hindi ko alam? Ang ilan sa mga salitang ito ay pangkaraniwan, simpleng pananalita lamang. Parang hindi ito ang Diyos; ang Diyos ba ay talagang nagsasalita nang napakanormal, nang napakakaraniwan? Hindi ko ito malaman sa pamamagitan ng pagsisiyasat, kaya oobserbahan ko ang Kanyang mga ginagawa kapag walang masyadong nakakakita. Nagbabasa ba Siya ng mga diyaryo? Nakabasa na ba Siya ng mga kilalang libro? Nag-aaral ba Siya ng gramatika? Anong mga uri ng mga tao ang karaniwan Niyang nakakasalamuha?” Wala silang saloobin ng pagpapasakop o pagtanggap sa katotohanan, kundi sinisiyasat nila si Cristo nang may saloobin ng isang iskolar na nagsasagawa ng siyentipikong pananaliksik o nag-aaral ng mga akademikong paksa. Sinisiyasat nila ang nilalaman ng mga salita ni Cristo at ang Kanyang paraan ng pagsasalita, ang mga tagapakinig na kinakausap ni Cristo, gayundin ang saloobin at layon ni Cristo sa bawat pagkakataon na Siya ay nagsasalita. Sa tuwing nagsasalita o kumikilos si Cristo, ang lahat ng naririnig ng kanilang tainga, ang lahat ng nakikita nila, at ang lahat ng naririnig nila tungkol dito ay nagiging pakay ng kanilang pagsisiyasat. Sinisiyasat nila ang bawat salita at pangungusap na sinasabi ni Cristo, bawat kilos Niya, bawat indibidwal na Kanyang pinangangasiwaan, ang Kanyang paraan ng pakikitungo sa mga tao, ang Kanyang pananalita at tindig, tingin at ekspresyon ng mukha, maging ang Kanyang mga gawi at kagawian sa pamumuhay, at ang Kanyang paraan ng pakikipag-ugnayan at mga saloobin sa iba—sinisiyasat nila ang lahat ng ito. Sa pamamagitan ng pagsisiyasat na ito, ang mga anticristo ay nakakabuo ng kongklusyon: Paano ko man tingnan si Cristo, tila Siya ay may normal na pagkatao; Siya ay ordinaryo talaga, walang partikular na espesyal sa Kanya maliban sa kakayahan na magpahayag ng katotohanan. Ito ba talaga ang Diyos na nagkatawang-tao? Kahit gaano pa sila magsiyasat, hindi sila makabuo ng isang tiyak na kongklusyon; kahit gaano pa sila magsiyasat, hindi nila matiyak kung si Cristo nga ang Diyos na kanilang kinikilala sa puso nila. Sila ang mga nagsisiyasat kay Cristo, hindi ang mga nakakaranas ng gawain ng Diyos—paano nila makakamtan ang kaalaman tungkol sa Diyos?

Sa pagsisiyasat ng mga anticristo kay Cristo, hindi nila magawang makita ang kadakilaan ng Diyos, ang katuwiran, ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat, at ang pagiging may awtoridad ng Diyos. Kahit gaano pa sila magsiyasat, hindi nila mabuo ang kongklusyon na si Cristo ay nagtataglay ng diwa ng Diyos; hindi nila ito magawang makita at maunawaan. Sinasabi ng ilang tao: “Kung saan hindi ka makakita o makaunawa, may katotohanan doon na dapat hanapin.” Na sasagutin naman ng isang anticristo: “Wala akong nakikitang katotohanan na dapat hanapin dito; may mga kaduda-dudang detalye lang na dapat lubos na siyasatin.” Pagkatapos ng kanilang pagsisiyasat at pagsusuri, ang kanilang kongklusyon ay: Ang Cristong ito ay nakapagsasalita lang ng ilang salita at, bukod doon, wala Siyang ipinagkaiba sa mga ordinaryong tao. Wala Siyang mga espesyal na kaloob, walang mga natatanging abilidad, at wala ring taglay na mga kahima-himalang kapangyarihan para gumawa ng mga tanda at kababalaghan tulad ng ginawa ni Jesus. Ang lahat ng sinasabi Niya ay mga salita ng isang mortal. Kaya, Siya ba talaga si Cristo? Ang resultang ito ay nangangailangan pa ng higit pang pagsusuri at pagsisiyasat. Paano man sila tumingin, hindi nila nakikita ang diwa ng Diyos kay Cristo; kahit gaano pa sila magsiyasat, hindi nila mabuo ang kongklusyon na si Cristo ay may pagkakakilanlan ng Diyos. Sa mga mata ng isang anticristo, ang laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos ay dapat magtaglay ng mga ekstraordinaryong kapangyarihan, mga espesyal na kaloob, ng abilidad na makapagpakita ng mga himala, at ng diwa at kakayahang ipamalas at isagawa ang awtoridad ng Diyos. Gayumpaman, wala ang lahat ng katangiang ito sa ordinaryong taong ito na nasa harap nila, at ang Kanyang pananalita ay hindi masyadong magaling; kahit na sa paglalarawan ng maraming bagay, gumagamit Siya ng kolokyal na wika na hindi angkop sa mga kuru-kuro ng tao, hindi man lang umaabot sa antas ng isang propesor sa unibersidad. Kahit paano pa siyasatin ng mga anticristo ang pananalita ni Cristo, kahit paano pa nila siyasatin ang mga kilos ni Cristo, gayundin ang Kanyang saloobin at paraan ng paggawa sa mga bagay, hindi nila makita na si Cristo—ang ordinaryong taong ito—ay nagtataglay ng diwa ng Diyos. Kaya, sa puso ng mga anticristo, pinakakarapat-dapat sundan ang ordinaryong taong ito dahil sa maraming bagay, salita, at penomena na hindi nila makilatis—ito ang karapat-dapat sa kanilang pagsisiyasat at pagsusuri, ito ang kanilang pinakamalaking motibasyon sa pagsunod sa taong ito. Anong nilalaman at mga paksa ang karapat-dapat sa kanilang pagsisiyasat at pagsusuri? Ito ay ang mga salitang tungkol sa buhay pagpasok na sinabi ni Cristo; hindi talaga kayang sabihin ng mga ordinaryong tao ang mga gayong bagay, talagang wala sila ng mga ito, at ang mga gayong salita ay talagang hindi nakikita sa ikalawang tao sa sangkatauhan—hindi alam kung saan nanggagaling ang mga ito. Paulit-ulit na nagsisiyasat ang mga anticristo, ngunit hindi sila kailanman makabuo ng kongklusyon tungkol dito. Halimbawa, kapag nagsasalita Ako tungkol sa kung kumusta ang isang tao, kung ano ang kanyang diwa at disposisyon, ang mga ordinaryong tao ay metikulosong itutugma ang mga detalyeng ito sa aktuwal na tao at beberipikahin ang naturang usapin. Kapag naririnig ng mga anticristo ang mga salitang ito, hindi nila pinanghahawakan ang saloobin ng pagtanggap upang itugma at maunawaan ang naturang usapin, kundi upang magsuri. Ano ang sinusuri nila? “Paano Mo nalalaman ang tungkol sa sitwasyon ng taong ito? Paano Mo nalaman na mayroon siyang gayong disposisyon? Ano ang batayan Mo sa pagtukoy nito? Hindi Mo pa siya masyadong nakakaugnayan, kaya paano Mo siya nauunawaan? Matagal na kaming nakikipag-ugnayan sa kanya, bakit hindi namin siya makilatis o maunawaan? Kailangan kong mag-obserba at hindi basta maniwala sa sinabi Mo. Baka hindi tumpak o hindi tama ang sinasabi Mo.” Sa loob ng panahon ng pakikisalamuha ng ilang tao sa Akin, maaaring gabayan Ko sila sa isang partikular na trabaho o propesyon. Kung ang paraan at diskarte ng paggabay na ito ay umaayon sa taglay nilang teknikal na kaalaman at nasisiyahan sila, atubili nilang gagawin ito. Pero kung hindi sila nasisiyahan, tututol sila sa kanilang puso at mag-iisip, “Bakit Mo ginagawa ito sa ganitong paraan? Hindi ba’t salungat ito sa larangang ito? Bakit ako dapat makinig sa Iyo? Kung mali ang sinasabi Mo, hindi ako puwedeng makinig sa Iyo; kailangan kong sundin ang sarili kong paraan. Kung tama Ka, kailangan kong maunawaan kung paano Ka naging tama, kung paano Mo ito nalaman. Pinag-aralan Mo ba ito? Kung hindi Mo pinag-aralan, paano Mo naman ito nalaman? Kung hindi Mo ito pinag-aralan, hindi Mo dapat ito nauunawaan; kung nauunawaan Mo ito, hindi iyon normal. Paano Mo ito nauunawaan? Sino ang nagsabi sa Iyo, o pinag-aralan Mo ba ito nang lihim at nang mag-isa?” Sa loob-loob nila, sila ay nagsusuri at nagsisiyasat. Ang bawat pangungusap na sinasabi Ko, bawat usapin na pinangangasiwaan Ko, ay dapat salain ng mga anticristo, dapat sumailalim sa kanilang pag-audit. Kung ito ay pumasa sa kanilang pag-audit, saka lang nila ito tatanggapin; kung hindi, sila ay mamumuna, manghuhusga, at lalaban.

Ang laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos ang pinakamalaking hiwaga sa lahat ng tao. Walang sinuman ang makaarok sa kung ano ang tunay na nangyayari tungkol dito, ni walang makaunawa kung paano nagiging totoo ang diwa ng Diyos sa laman na ito—kung paano naging tao ang Diyos, kung paano nasasalita ng taong ito ang mga salita mula sa bibig ng Diyos at nagagampanan ang gawain ng Diyos, at kung paano mismo ginagabayan at pinapatnubayan ng Espiritu ng Diyos ang taong ito. Sa lahat ng gawaing ito, walang nakitang mga dakilang pangitain o naobserbahang anumang mga makabuluhang galaw ang mga tao mula sa laman na ito—tila walang espesyal na nangyayari; lahat ay tila normal. Dinala ng Diyos sa Silangan ang kaluwalhatiang nasa Israel nang hindi namamalayan. Sa pamamagitan ng pagsasalita at paggawa ng taong ito, nagsimula na ang isang bagong kapanahunan, at natapos na ang luma, nang hindi namamalayan ng sinuman kung paano ito nangyari. Gayumpaman, ang mga tunay na nananalig sa Diyos, na simple at taos-puso, na nagtataglay ng pagkatao at katwiran, ay hindi sinisiyasat ang mga bagay na ito. Kung hindi sila nagsisiyasat, ano ang ginagawa nila? Pasibo na lang na naghihintay? Hindi—nakikita nila na ang mga salitang ito ay ang katotohanan, naniniwala sila na ang pinagmulan ng lahat ng salitang ito ay ang Diyos, kaya kinikilala nila ang katunayan na ang ordinaryong taong ito ay si Cristo, tinatanggap nila Siya bilang kanilang Panginoon at Diyos, nang hindi na isinasaalang-alang ang iba pang bagay. Ang mga anticristo, sa kabilang banda, ay hindi makita na ang lahat ng salitang ito at ang lahat ng gawaing ito ay mula sa Diyos, na ang pinagmulan ng lahat ng pagsasalita at paggawa na ito ay ang Diyos, kaya hindi nila tinatanggap ang ordinaryong taong ito bilang kanilang Panginoon at Diyos. Sa halip, pinapatindi nila ang kanilang pagsisiyasat at sa kanilang puso ay lumalaban sila. Ano ang nilalabanan nila? “Kahit gaano Ka pa magsalita, kahit gaano pa kadakila ang gawaing Iyong ginagawa, kahit sino pa ang Iyong pinagmulan, hangga’t Ikaw ay isang ordinaryong tao, hangga’t ang Iyong paraan ng pagsasalita ay hindi naaayon sa aking mga kuru-kuro, hangga’t ang Iyong hitsura ay hindi gaanong kaengrande upang makuha ang aking pansin o paggalang, sisiyasatin at susuriin Kita. Ikaw ang pakay ng aking pagsisiyasat; tinatanggap Kita bilang aking Panginoon, bilang aking Diyos.” Sa proseso ng kanilang pagsisiyasat at pagsusuri, hindi lamang nabibigo ang mga anticristo na malutas ang kanilang mga kuru-kuro, pagiging mapaghimagsik, at mga tiwaling disposisyon, kundi araw-araw na tumitindi pa ang kanilang mga kuru-kuro at nagiging mas malubha. Halimbawa, kapag ang isang lider ng iglesia ay nabunyag bilang isang anticristo, na nagdudulot ng kaguluhan at pagkawasak sa iglesiang iyon, ang unang reaksyon ng mga anticristo, kapag nangyari ang gayong kaganapan, ay ang magtanong na: “Alam ba ito ni Cristo? Sino ang nagtalaga sa lider na ito ng iglesia? Ano ang reaksyon ni Cristo rito? Paano Niya ito pinangangasiwaan? Kilala ba ni Cristo ang taong ito? Nasabi na ba ni Cristo noon na ang taong ito ay isang anticristo, o ipinropesiya ba Niya ang pangyayaring ito? Ngayon na may gayon kalaking isyu na lumitaw sa iglesiang ito, si Cristo ba ang unang nakaalam?” Sinasabi Ko na hindi Ko alam, ngayon Ko lang din ito nalaman. “Hindi tama iyan—Ikaw ang Diyos, Ikaw si Cristo; bakit hindi Mo alam? Dapat alam Mo.” Dahil nga Ako si Cristo, na isang ordinaryong tao, kaya hindi Ko kinakailangang malaman iyon. Ang iglesia ay mayroong mga atas administratibo at mga prinsipyo para sa pangangasiwa sa mga tao. Kapag nagpapakita ang mga anticristo, maaari silang paalisin at palayasin ayon sa mga prinsipyo ng iglesia. Ipinapakita nito na ang Diyos ang may hawak ng kapangyarihan, ipinapakita nito na ang katotohanan ang may hawak ng kapangyarihan. Hindi Ko kailangang malaman ang lahat. Kung mabigo ang iglesia na pangasiwaan ang mga bagay ayon sa mga atas administratibo at mga prinsipyo nito para sa pangangasiwa sa mga tao, saka Ako makikialam. Gayumpaman, kung nauunawaan ng mga kapatid ang mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos sa pag-aalis at pagpapalayas sa mga tao, hindi Ko na kailangang makialam. Kung saan ang katotohanan ang may hawak ng kapangyarihan, hindi Ko na kailangang makialam. Hindi ba’t napakanormal nito? (Oo.) Pero kaya ng mga anticristong gumawa ng mga isyu at bumuo ng mga kuru-kuro sa usaping ito, puwede pa nga nilang gamitin ang mga kuru-kurong ito para itatwa si Cristo at kondenahin ang katunayan na si Cristo ay nagtataglay ng diwa ng Diyos. Sadyang ito ang ginagawa ng mga anticristo. Dahil ang isang bagay ay hindi tumutugma sa kanilang mga kuru-kuro, imahinasyon, o mga inaasahan, kaya nilang itatwa ang diwa ni Cristo. Ang kanilang pagsisiyasat sa bawat aspekto ni Cristo ay humahantong sa kongklusyong ito: Hindi nila nakikita ang diwa ng Diyos kay Cristo; kaya, hindi nila kayang tukuyin ang taong ito bilang nagtataglay ng diwa at pagkakakilanlan ng Diyos. Ito ay humahantong sa isang sitwasyon na, kapag walang nangyayari, ayos lang, pero sa sandaling may mangyari, unang-unang lumalabas ang mga anticristo at itinatatwa ang pagkakakilanlan ni Cristo at kinokondena si Cristo. Kaya, ano nga ba ang layon ng pagsisiyasat ng mga anticristo? Ang kanilang pagsisiyasat at pagsusuri ay hindi para mas maunawaan ang katotohanan kundi para makahanap ng ebidensya at makakuha ng bentaha, upang itatwa ang katunayan ng pagkakatawang-tao ng Diyos sa laman, para itatwa ang katunayan na ang laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos ay si Cristo, ay ang Diyos. Ito ang motibo at layon sa likod ng pagsisiyasat at pagsusuri ng mga anticristo kay Cristo.

Habang sumusunod ang mga anticristo kay Cristo at nagpapanggap na mga tagasunod, may dala silang saloobin ng pagsisiyasat at pagsusuri, at sa huli ay nabibigo silang maunawaan ang katotohanan o matukoy ang katunayan na si Cristo ay ang Panginoon, ang Diyos. Pero bakit pa rin sila sumusunod nang may pag-aatubili, nang masyadong labag sa loob nila, at nananatili sa loob ng sambahayan ng Diyos? Ang isang punto na tinalakay na natin dati ay iyong kinikimkim nila ang layunin na tumanggap ng mga pagpapala; ambisyoso sila. Ang isa pang punto ay iyong ang mga anticristo ay nagtataglay ng pagkamausisa na wala sa mga ordinaryong tao. Anong klaseng pagkamausisa? Ito ay ang kanilang pagkahumaling sa mga kakaiba at hindi pangkaraniwang pangyayari. Ang mga anticristo ay labis na mausisa tungkol sa lahat ng kakaiba at hindi pangkaraniwang pangyayari, sa lahat ng kaganapang lampas na sa mga batas ng kalikasan, sa mundo. Mayroon silang pagnanais na usisain ang maraming bagay at arukin ang mga ito. Ano ang diwa ng pagsisiyasat na ito? Ito ay pawang pagmamataas, ninanais na maunawaan ang lahat, na malaman ang katotohanan sa likod ng lahat ng bagay, kung hindi ay baka magmukha silang walang alam. Anuman ang usapin, gusto nilang sila ang unang makaalam, maging ang pinakamaraming alam at pinakanakakaalam ng mga pasikot-sikot ng usaping ito—gusto nilang maging ang “pinaka” sa lahat ng aspekto. Kaya, hindi rin nila pinalalampas ang usapin ng pagkakatawang-tao ng Diyos sa laman. Sinasabi nila, “Ang pagkakatawang-tao ng Diyos ay ang pinakamalaking hiwaga sa mundo ng tao. Ano ba talaga ang nangyayari sa pinakamalaking hiwagang ito, sa pinakakamangha-manghang bagay na ito? Dahil ito ay lampas sa mga ordinaryong inaasahan at ang laman na ito ay iba sa mga ordinaryong tao, nasaan ang pagkakaiba? Kailangan ko mismong makita at maunawaan ito.” Ano ang ibig nilang sabihin kapag sinasabi nilang “makita at maunawaan nila ito mismo”? Ibig sabihin nila, “Nakapaglakbay na ako sa iba’t ibang bansa sa mundo, nabisita ko na ang mga kilalang bundok at makasaysayang lugar, at nakapanayam na ang mga sikat at matalinong tao; lahat sila ay karaniwang tao lamang. Ang tanging hindi ko pa nakikilala o napag-aaralan ay ang Cristong ito. Ano mismo ang diwa ng Cristong ito? Kailangan ko mismong makita at maunawaan ito.” Ano ba mismo ang gusto nilang makita at maunawaan? “Nabalitaan ko na ang Diyos ay nakakagawa ng mga tanda at kababalaghan. Sinasabi nila na si Jesus ang Panginoon, ang Cristo; anong mga tanda at kababalaghan ang ginawa Niya para matugunan ang pagkamausisa ng mga tao? Naaalala ko ang isang insidente kung saan, pagkatapos isumpa ng Panginoong Jesus ang isang puno ng igos, nalanta ito. Magagawa ba ito ngayon ng Cristong ito? Kailangan kong makita at maunawaan, at kung magkaroon ako ng pagkakataon, susubukin ko Siya upang makita ko kung kaya Niyang gawin ang mga gayong gawa. Sinasabing ang Diyos na nagkatawang-tao ay may awtoridad ng Diyos, na Siya ay nagbibigay-kakayahan sa mga paralisado na makalakad, sa mga bulag na makakita, sa mga bingi na makarinig, at sa mga may sakit na gumaling. Ang mga ito ay mga milagroso at kakaibang pangyayari; sa mundo ng tao, ang mga ito ay itinuturing na pambihirang kakayahan na wala sa mga ordinaryong tao. Ito ay isang bagay na kailangan ko mismong makita.” Bukod dito, may isa pang napakahalagang usapin na umookupa sa kanilang isipan. Sinasabi nila: “Ano ba talaga ang nangyayari sa mga nakaraan at kasalukuyang buhay, at sa siklo ng reengkarnasyon sa mundong ito? Hindi ito maipaliwanag nang malinaw ng mga ordinaryong tao. Dahil ang Diyos ay naging tao at ang Diyos ang namamahala sa lahat, alam ba ito ni Cristo? Kapag may pagkakataon, kailangan ko Siyang tanungin at mag-usisa tungkol sa bagay na ito; ipapasuri ko sa Kanya ang aking hitsura upang malaman Niya kung maganda ang aking tadhana, kung ano ako sa nakaraang buhay ko, kung ako ba ay isang hayop o isang tao. Kung alam Niya ang mga bagay na ito, talagang mamamangha ako; magiging pambihira Siya kung magkagayon, higit sa mga ordinaryong tao, at posibleng si Cristo. Gayundin, sinasabi nila na may trono at tirahan ang Diyos sa langit, kung gayon alam ba ng nagkatawang-taong Diyos na ito kung saan naroroon ang tirahan ng Diyos at ang kaharian ng langit? Sinasabi na ang kaharian ng langit ay may mga lansangan na pinapalamutian ng ginto, maningning at maganda; kung isasama tayo ng nagkatawang-taong Diyos na ito sa isang paglalakbay, hindi ba’t magiging sulit ang buong buhay natin, hindi masasayang ang ating pananalig? Bukod dito, hindi na natin kailangang magsaka; kapag nagugutom tayo, puwedeng gawing pagkain ni Cristo ang mga bato sa isang pangungusap lang. Napakain Niya ang limang libong tao nang may limang tinapay at dalawang isda lamang; hindi ba’t magiging malaking pakinabang iyon para sa atin? At paano naman kapag nagsasalita si Cristo? Sinasabi nilang Siya ay nagbibigay ng tubig na nagbibigay-buhay, ngunit nasaan ang tubig na nagbibigay-buhay na ito? Paano ito naitutustos, paano ito dumadaloy? Lahat ng ito ay mga usapin na karapat-dapat siyasatin, ang bawat isang usaping ito ay talagang kakaiba. Kung masasaksihan ng mga sariling mata ko ang kahit isa sa mga ito, ako ay magiging isang tao na may kabatiran sa buhay na ito, hindi lamang isang ordinaryong tao.” Hindi ba’t masyado na silang naiimpluwensiyahan ng pagkamausisang ito? (Oo.)

Ang ilang tao ay naniniwala sa Diyos, para tanggapin si Cristo, at para sumunod kay Cristo, hindi upang makamit ang katotohanan, kundi may ibang layunin sila. Ang ilang tao, sa sandaling makatagpo Ako, ay nagtatanong, “Ano ang ibig sabihin ng pitong salot at pitong mangkok sa Pahayag? Ano ang sinisimbolo ng puting kabayo? Dumating na ba ang tatlo’t kalahating taon ng kalamidad?” Sumasagot Ako, “Ano ang mga itinatanong mo? Ano ang Pahayag?” Sumasagot sila nang pabalang, “Ni hindi Mo alam ang Pahayag? Sinasabi nilang Ikaw ang Diyos, pero hindi ako masyadong sigurado!” Ang iba naman ay nagtatanong, “Sa proseso ng pagpapalaganap sa ebanghelyo, nakakatagpo kami ng mga taong nagtatanong tungkol sa mga mahiwagang bagay. Ano ang dapat naming gawin?” Hindi Ko na sila pinapatapos at sinasabi Ko, “Ang sinumang laging nagtatanong tungkol sa mga hiwaga imbes na hanapin ang katotohanan ay hindi isang taong tumatanggap ng katotohanan; hindi sila maliligtas sa hinaharap. Ang mga laging naghahanap ng mga hiwaga ay walang kuwenta; huwag ninyong ipalaganap ang ebanghelyo sa mga gayong tao.” Bakit Ko ito sinasabi? Sino ba ang nagtatanong ng mga katanungang ito? Hindi ito ibang tao; sila mismo ang nagtatanong. Gusto nilang itanong ang mga tanong na ito at malaman ang mga sagot sa mga ito, at inaakala nilang hindi Ko alam kung sino ang nagtatanong, na para bang hindi Ko sila nakikilatis! Pagkatapos Kong sabihin ito, naririnig nila ito at iniisip nila, “Sinabi ng Diyos na wala akong kuwenta, kaya hindi na ako magtatanong.” Kumusta ang pamamaraan Ko? Hindi ba’t epektibo nitong napatahimik sila? Kung sinagot Ko sila, hindi ba’t nahulog lang Ako sa kanilang pakana? Kapag napagbigyan sila nang kaunti, gusto nila ng mas marami, nagtatanong sila nang walang katapusan. May obligasyon ba Akong ipaliwanag ang mga bagay na ito sa kanila? Ano ba ang magagawa mo sa kaalamang ito? Kahit na alam Ko, hindi Ko sasabihin sa iyo. Bakit Ko sasabihin sa iyo? Ako ba ay isang tagapagsalin ng mga kasulatan? Pumarito ka ba para sa pag-aaral ng teolohiya? Pumarito ka para siyasatin Ako, at dapat Ko bang buksan na lang ang Aking puso para sa iyong pagsisiyasat? Angkop ba iyon? Pumarito ka para subukin Ako, at dapat Ko bang pahintulutan kang subukin Ako? Angkop ba iyon? Hindi ka narito para tanggapin ang katotohanan; pumarito ka nang nagtatanong na may saloobin ng paglaban, pagdududa, at pag-uusisa. Hindi Ko ibibigay sa iyo ang mga sagot. Sinasabi ng ilang tao, “Hindi ba’t kailangang sagutin ang anumang tanong?” Depende iyan sa usapin. Pagdating sa katotohanan at gawain ng iglesia, kailangan Ko pa ring isaalang-alang ang sitwasyon. Kung nasabi Ko na sa iyo dati at nagpapanggap ka pa rin na hindi mo alam, nagpapanggap na mapagpakumbabang nagtatanong, hindi kita sasagutin. Pupungusan kita, at pagkatapos niyon, mauunawaan mo. Mula sa perspektiba ng kung paano sinisiyasat at sinusuri ng mga anticristo si Cristo, at ang kanilang pagkamausisa tungkol sa diwa ni Cristo at ng Diyos, ano ba mismo ang sinisiyasat ng mga anticristo? Sinisiyasat nila ang katotohanan. Itinuturing nila ang lahat ng ginagawa ng Diyos bilang mga pakay ng kanilang pagsisiyasat at pagsusuri, ginagamit ito bilang pampalipas oras. Sinusunod nila ang Diyos na parang mga iskolar sila na nag-aaral ng isang partikular na larangan o isang partikular na kaalaman, katulad ng mga hindi mananampalatayang nag-aaral sa isang paaralang pangteolohiya. Makakatanggap ba ng kaliwanagan ng Diyos ang mga gayong tao? Makakatanggap ba sila ng liwanag? Mauunawaan ba nila ang katotohanan? (Hindi.)

Sa iglesia, may mga tungkulin na hindi pa kailanman naranasan dati, at ang ilan ay kinasasangkutan ng propesyonal na gawain. Kapag ginagabayan Ko ang gayong gawain, may mga taong nakikinig nang taimtim at mapagpakumbaba, naaarok nila ang mga prinsipyong dapat sundin sa paggawa ng mga tungkuling ito, at ang katotohanang realidad na dapat isagawa at pasukin. Gayumpaman, may mga tao na pinipiga ang kanilang utak sa pagsisiyasat sa kanilang puso; iniisip nila, “Hindi Mo naaral ang mga larangang ito. Bukod pa rito, kaya Mo ba talagang matutunan ang napakaraming larangan? Sino ang nakakaunawa at nakakaalam ng lahat ng bagay? Sa anong batayan Mo kami ginagabayan? Bakit kami dapat makinig sa Iyo? Bagaman minsan ay may katuturan ang sinasabi Mo kapag ginagabayan Mo kami, paano Mo nalalaman ito? Kung hindi ko pag-aaralan ang isang bagay, hindi ko ito malalaman. Kailangan kong pag-isipan, magsikap na matuto pa, makakita pa, makarinig pa, at subukang makarating sa punto na hindi ko na kailangan ang Iyong paggabay at magagawa ko na ito nang mag-isa. Mukhang natututo Ka rin habang ginagawa Mo ang mga bagay, unti-unting nagiging bihasa.” Tinitingnan lang nila ang mga panlabas na anyo, hindi nila nakikita na, sa isang banda, anuman ang sinasabi o ginagawa ng taong ito, may mga prinsipyo—anumang gawain ang ginagabayan, ito ay ginagawa ayon sa prinsipyo, at ang prinsipyong ito ay may kaugnayan sa aktuwal na pangangailangan ng mga tao at ang ninanais na resulta ng aktuwal na gawain. Sa kabilang banda, at ang pinakaimportante, ang taong ito ay hindi nag-aral ng kahit ano; ang Kanyang kaalaman, pag-aaral, kabatiran, at karanasan ay hindi kahanga-hanga. Pero may isang bagay na hindi dapat kalimutan ng mga tao: Masagana o kapansin-pansin man ang Kanyang kabatiran, kaalaman, karanasan, at kakayahan, ang pinagmulan na responsable sa paggampan sa kasalukuyang gawain ay hindi ang panlabas na laman na ito, kundi ang diwa ng laman na ito—ang Diyos Mismo. Samakatwid, kung manghuhusga ka batay sa hitsura ng laman na ito—sa Kanyang taas at hitsura, sa Kanyang tono, intonasyon, at paraan ng pagsasalita—hindi mo maipapaliwanag o mauunawaan kung bakit Niya kayang isagawa ang mga tungkuling ito at maging mahusay sa mga ito, hindi mo ito makikilatis. Hindi ba’t ang hindi magawang kilatisin ito ay nangangahulugan na hindi ito maaaring lutasin? Hindi, maaaring malutas ito. Hindi mo kailangang makilatis ito; kailangan mo lang malaman, tandaan, at kilalanin ang isang bagay: Si Cristo ay ang laman kung saan ang Diyos ay nagkatawang-tao. Ang mga prinsipyo, paninindigan, at saloobin ng mga tao patungkol kay Cristo ay hindi upang siyasatin, suriin, o tugunan ang kanilang pagkamausisa, kundi upang kumilala, tumanggap, makinig, at magpasakop. Kung ikaw ay magsisiyasat at magsusuri, magbibigay ba ito sa iyo sa huli ng kakayahan na makita ang diwa ng Diyos? Hindi. Hindi pinahihintulutan ng Diyos ang sinuman na suriin o siyasatin Siya; habang ikaw ay mas nagsisiyasat at nagsusuri, mas lalo kang tataguan ng Diyos. Ano ang nararamdaman ng mga tao kapag nagtatago ang Diyos? Ang konsepto ng Diyos sa kanilang puso ay nagiging malabo, ang kanilang konsepto ng katotohanan ay nagiging hindi malinaw, at lahat ng bagay tungkol sa landas na dapat nilang sundan ay nagiging malabo. Para bang may pader na humaharang sa iyong paningin; hindi mo makita ang direksyon sa harapan, lahat ay malabo. Nasaan ang Diyos? Sino ang Diyos? Talaga bang umiiral ang Diyos? Ang mga tanong na ito ay parang isang itim na pader na nasa iyong harapan, na siyang pagtatago ng Diyos ng Kanyang mukha mula sa iyo, upang hindi mo Siya makita. Lahat ng pangitain na ito ay nagiging malabo para sa iyo, nawawala ang mga ito, at napupuno ng kadiliman ang iyong puso. Kapag ang iyong puso ay madilim, mayroon ka pa bang landas sa iyong harapan? Alam mo pa ba kung ano ang gagawin? Hindi. Gaano man kalinaw ang iyong orihinal na direksyon at mga layon, kapag sinisiyasat at sinusuri mo ang Diyos, ang mga ito ay magiging malabo at madilim. Kapag ang mga tao ay nalulugmok sa gayong sitwasyon, sa gayong kalagayan, sila ay nasa panganib; ito ang nangyayari sa mga taong nakatuon sa pagsisiyasat sa Diyos. Ang mga anticristo ay palaging nasa gayong sitwasyon, nang may lubusang kadiliman sa harapan, hindi nila matukoy kung ano ang mga positibong bagay, ano ang katotohanan. Anuman ang gawin ng Diyos, hindi nila makumpirma na ito nga ang Diyos, na ito ang Diyos Mismo; paano man sila tumingin, nakikita lang nila ang pagkakatawang-tao bilang isang tao, dahil palagi silang nagsisiyasat at nagsusuri, kaya patuloy din silang binubulag ng Diyos. Nakikita mo na ang kanilang mga mata ay mulat na mulat, maliwanag at malaki, pero sila ay bulag pa rin. Kapag itinatago ng Diyos ang Kanyang mukha mula sa mga tao, para bang ang kanilang puso ay nagiging manhid, nalulugmok sa sobrang kadiliman. Nakikita lang nila ang mga mababaw na penomena, na hindi makita ang landas sa loob, nabibigo na makita ang katotohanan—ang mas malala pa, hindi nila makita ang diwa ng Diyos o ang Kanyang disposisyon.

Ang pagsasailalim sa pagsusuri at pagsisiyasat sa hitsura at gawain ng Diyos ay hindi magbubunga ng anumang resulta. Mahalaga na huwag malugmok sa kalagayan ng pagsusuri at pagsisiyasat; ito ay isang landas ng pagkanegatibo. Ano ang positibong landas kung gayon? Ito ay na sa sandaling matatag kang maniwala na ito ay gawain ng Diyos, na ang karaniwang taong ito ay ang laman kung saan ang Diyos ay nagkatawang-tao at may diwa ng Diyos, dapat kang tumanggap at magpasakop nang walang kondisyon. Pakiramdam ng mga tao, ang laman na ito ay maraming aspekto na hindi kanais-nais, maraming aspekto na taliwas sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao; iyon ay isang isyu sa mga tao. Ang Diyos ay gumagawa sa ganitong paraan, at ang kailangang magbago ay ang mga kuru-kuro ng mga tao, ang kanilang mga tiwaling disposisyon, at ang kanilang mga saloobin sa Diyos, hindi ang laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos. Kailangang hanapin ng mga tao ang katotohanan dito, hanapin ang mga layunin ng Diyos, at panghawakan ang kanilang tamang perspektiba at posisyon, sa halip na kilalanin Siya bilang Diyos ngunit nais pa rin Siyang siyasatin, o suriin at talakayin kung ano ang Kanyang ginagawa at sinasabi. Iyon ay magiging isang malaking problema. Kapag ang iyong posisyon at ang iyong anggulo sa pagtanggap ng katotohanan ay mali, ang kalalabasan ng kung paano mo tinitingnan ang lahat ng bagay ay magbabago, na makakaapekto sa landas at direksyon ng iyong paghahangad. Sa anumang ginagawa o sinasabi ng Diyos, kung ito man ay naaayon sa mga kuru-kuro ng tao o hindi ay isang pansamantalang isyu lamang. Ang kontribusyon at halaga ng lahat ng ginagawa ng Diyos para sa sangkatauhan, ang halaga na dulot nito sa buhay ng tao, ay walang hanggan. Hindi ito mababago ng sinumang tao, anumang disiplina sa akademya, anumang argumento o teorya, o anumang nauuso. Ito ang halaga ng katotohanan. Maaaring sa kasalukuyan, ang mga salita at gawa ng karaniwang taong ito ay hindi makatutugon sa iyong pagkamausisa o banidad, ni hindi nito lubos na makumbinsi o mahikayat ang iyong puso at isipan; gayumpaman, ang mga kontribusyon ng lahat ng salitang Kanyang sinasabi ngayon at lahat ng gawaing Kanyang ginagawa sa kapanahunang ito at sa yugtong ito para sa buong sangkatauhan, para sa buong kapanahunan, at para sa pangkalahatang plano ng pamamahala ng Diyos, ay hindi nababago magpakailanman—ito ay isang katunayan. Samakatwid, isang araw ay mapagtatanto mo: “Dalawampu o tatlumpung taon na ang nakalilipas, ako ay nagsiyasat, nagkamali ng pagkaunawa, lumaban, at hinusgahan at kinondena ko pa ang isang pahayag ng karaniwang taong ito. Pagkalipas ng dalawampu o tatlumpung taon, nang balikan ko ang pahayag na iyon, ang aking puso ay napuno ng pagkakautang at pagsisisi.” Ang mga tiwaling tao ay mababa at walang halaga sa harap ng Diyos, sila ay mga sanggol magpakailanman, hindi karapat-dapat na banggitin. Gaano man karaming gawain ang ginagawa ng isang tao, kumpara sa kontribusyon sa buong sangkatauhan ng bawat salitang sinabi ng Diyos sa anumang kapanahunan at sa ilalim ng anumang konteksto, ang pagkakaiba ay tulad ng sa pagitan ng langit at lupa! Kaya, kailangan mong maunawaan na ang Diyos ay hindi isang bagay na dapat siyasatin, suriin, at pagdudahan ng mga tao. Ang gawain ng Diyos at ang laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos ay hindi narito upang tugunan ang pagkamausisa ng mga tao. Ginagawa Niya ang lahat ng gawaing ito hindi upang magpalipas ng oras o ng mga araw—ang Kanyang layunin ay ang iligtas ang mga tao ng isang kapanahunan, iligtas ang buong sangkatauhan, at ang mga resulta ng gawain na layon Niyang isakatuparan ay magtatagal magpakailanman. Ang mga anticristo ay itinatrato si Cristo bilang isang karaniwang tao upang siyasatin at suriin Siya, upang matugunan ang kanilang pagkamausisa. Ano ang kalikasan nito? Mauunawaan ba ito o mapapatawad? Sila ay mga walang-humpay na makasalanan, isinumpa at hindi mapapatawad hanggang sa walang hanggan! Kung ang isang tao ay may pagkatao, kung nauunawaan niya ang katotohanan, at nagtataglay ng katotohanang realidad, kahit ang pagsisiyasat sa kanya ay lubos na nakasusuklam. Itinatrato si Cristo bilang isang karaniwang tao at pagsisiyasat sa Kanya, itinatrato ang lahat ng Kanyang ginagawa nang may paglaban at paninirang-puri, at hinahangad lamang na matugunan ang iyong pagkamausisa sa mga salitang Kanyang sinasabi—kahit ang ilang tao, sa pagkakita sa Akin, ay nagsasabi, “Magbahagi Ka ng higit pang katotohanan, magbahagi Ka pa tungkol sa wika ng ikatlong langit, magsabi Ka pa ng mga bagay na hindi namin alam”—ano ang tingin nila sa taong ito? Isang tao magpapawala ng kanilang pagkabagot? Paano tinutukoy ng Diyos ang bagay na ito? Hindi ba’t kalapastanganan ito sa Diyos? Kung ito ay patungkol sa mga tao, ito ay tinatawag na pangungutya at panunuya; kung ito ay patungkol sa Diyos, ito ay kalapastanganan.

Sa loob ng nilalaman ng pagpapamalas na ito—pagsisiyasat, pagsusuri, at pagkamausisa—ang kalikasang diwa ng mga anticristo ay ibinubunyag ang sarili nito bilang kabuktutan, bilang pagiging tutol sa katotohanan. Binabalewala nila ang lahat ng positibong bagay; kinamumuhian nila ang mga ito at itinatrato nang may pagwawalang-bahalang saloobin, hindi man lang pinapalampas ang laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos. Kailangan nilang matugunan ang kanilang pagkamausisa sa lahat ng bagay, isinasailalim ang lahat ng bagay sa kanilang pagsisiyasat, nais na makabuo ng mga kongklusyon at malaman ang lahat ng nangyayari, para matuklasan kung ano ang nagaganap, upang magmukha silang may alam at matalino. Ito ang tiwaling disposisyon ng mga tao. Dahil nakasanayan na nilang siyasatin ang lahat, ngayon ay ibinabaling na nila ang kanilang pagsisiyasat sa Diyos. At ano ang naidudulot nito sa kanila? Pagpeperpekto at kaligtasan? Hindi, nagdudulot lamang ito sa kanila ng kapahamakan at pagkawasak! Ganito tinutukoy ang mga anticristo. Sila ay isinumpa at dapat kondenahin. Sa kanilang pakikitungo sa laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos, hindi nila kailanman pinanghawakan ang posisyon ng mga tagasunod o nilikha upang tanggapin at tingnan Siya; sa halip, nakikita at itinuturing nila Siya mula sa anggulo at pananaw ng isang iskolar, ng isang taong nagmamarunong, ng isang taong puno ng pagkamausisa, at ng isang mapagmataas na indibidwal na hindi makaarok sa katotohanan at namumuhi sa mga positibong bagay. Malinaw na hindi maaaring maligtas ang mga gayong tao.

Hunyo 6, 2020

Sinundan: Ikasampung Aytem: Kinamumuhian Nila ang Katotohanan, Hayagang Nilalabag ang mga Prinsipyo, at Binabalewala ang mga Pagsasaayos ng Sambahayan ng Diyos (Unang Bahagi)

Sumunod: Ikasampung Aytem: Kinamumuhian Nila ang Katotohanan, Hayagang Nilalabag ang mga Prinsipyo, at Binabalewala ang mga Pagsasaayos ng Sambahayan ng Diyos (Ikatlong Bahagi)

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito