Ikasampung Aytem: Kinamumuhian Nila ang Katotohanan, Hayagang Nilalabag ang mga Prinsipyo, at Binabalewala ang mga Pagsasaayos ng Sambahayan ng Diyos (Unang Bahagi)

Bago natin simulan ang ating pagtitipon ngayon, makikinig tayo sa isang usapan. May dalawang taong nag-uusap. Sabi ng una: “Kung pupungusan ako, aayaw na ang mga kapatid sa paggawa ng kanilang mga tungkulin.” Sabi naman ng pangalawa, “Aayaw na sila sa paggawa ng kanilang mga tungkulin? Wala iyan. Kung mapapalitan ako, magiging negatibo at mahina ang mga kapatid.” Nang makita ng una na nahigitan siya, sinabi niya: “Kung titigil ako sa pananampalataya, susunod lahat sa akin ang mga kapatid na nasa lugar ko.” Nang marinig ito ng pangalawa, sinabi nito, “Bueno, kung gayon, mas maimpluwensiya ka kaysa sa akin. Gayumpaman, kung paaalisin ako, maraming tao sa ating iglesia ang titigil sa pananampalataya. Ano sa palagay mo? Mas maimpluwensiya ako kaysa sa iyo, hindi ba?” Naiintindihan ba ninyo ang sinasabi nila sa usapang ito? Ano ang pinagtatalunan ng dalawa? (Pinagtatalunan nila kung sino ang mas kayang makahikayat ng mga tao, kung sino ang mas kayang magtatag ng nagsasariling kaharian; tinitingnan nila kung sino ang mas tuso nang bahagya sa kanilang dalawa.) Pinagtatalunan nila kung sino ang mas tuso, kung sino ang mas may kakayahan, sino ang mas may abilidad, at kung sino sa kanila ang mas marami nang nahikayat na mga tao. Pinagtatalunan ba nila kung sino sa kanila ang mas may katotohanang realidad? Kung sino sa kanila ang mas may pagkatao? Kung sino sa kanila ang mas nakakaunawa sa katotohanan? (Hindi. Pinagtatalunan nila kung sino sa kanila ang ipagtatanggol agad ng mas maraming tao kung papalitan sila, o kung paaalisin sila.) Anong uri ng abilidad ang pinagtatalunan nila? Pinagtatalunan nila kung sino ang mas may kakayahang kontrolin, bitagin, at ilihis ang mga tao. Hulaan ninyo: Anong klase ng tao ang dalawang ito? (Pareho silang anticristo.) Ano sila? Hindi ba’t sila ay parehong masamang tao, parehong tirano? (Oo nga.) Malinaw na sila ay parehong masamang tao—tahasan silang magtalo kung sino sa kanila ang mas may kakayahang gumawa ng masama, kung sino ang mas kayang manlihis at magkontrol ng mga tao, kung sino ang mas kayang makahikayat ng mga tao, kung sino ang mas mahusay na makipagkompetensiya sa Diyos para sa Kanyang hinirang na mga tao. Kung sino man sa kanila ang makakakontrol ng mas maraming tao, siya ang mas may kakayahan. Iyon ang kanilang pinagkokompetensiyahan. Sabihin ninyo sa Akin, may mga anticristo ba na may mga ganitong mga pakikipagtalo? (Mayroon.) Hayagan o palihim ba nila itong ginagawa? (Palihim.) Kaya, umiiral ba ang nilalaman ng usapan ng dalawa sa kuwentong ito? Totoo ba ito? (Oo, umiiral at totoo ito.) Dahil nagtatalo sila nang palihim, tahasan ba nilang sasabihin ang mga bagay na ito? Tuso at buktot ang napakarami sa mga anticristo; hindi nila hayagan o direktang sasabihin iyon, para hindi nila mabigyan ng bala ang mga tao na magagamit laban sa kanila. Pero ganito sila mag-isip nang palihim, at ito talaga ang kanilang ginagawa. Kahit paano man nila subukang pagtakpan ang mga bagay, at itago ang mga bagay, at magbalatkayo, hindi nila mapagtatakpan ang kanilang kalikasan na anticristo at mapaminsala. Siguradong mabubunyag ang lahat ng ito. Maaaring hindi sila magsalita nang malakas, at walang hayagang maririnig ang iba, pero kumikilos sila nang walang kahit kaunting pagkukubli o pag-aalinlangan, nang walang pagtatago o paglilihim. Hindi rin sila kumikilos habang nakatalikod ang mga tao, lalong hindi sila nakikipagkompromiso. Walang pag-aalinlangan o pagkaburara sa kanilang mga pag-uugali at pagkilos para bitagin, ilihis, kontrolin ang mga tao, at magtatag ng nagsasariling kaharian. Tahasan silang sumasalungat sa Diyos, at tahasan nilang binibitag at nililihis ang mga tao. Umaasa silang kung mapupungusan sila, maraming kapatid ang magtatanggol sa kanila, na sasalungat ang mga ito sa Diyos at sa Kanyang sambahayan, na magiging negatibo at tamad ang mga ito, at hindi gagawin ang mga tungkulin ng mga ito. Iyon ang magpapasaya sa kanila at tutupad ng kanilang kagustuhan. Kung papalitan sila, gustong-gusto nilang maraming tao ang magiging negatibo, na magsasalita para sa kanila, at magtatanggol sa kanila, at magbibigay ng mga paliwanag at argumento para sa kanila, nang walang nakakakita. Gustong-gusto nilang itala ng mga tao ang kanilang mga merito, na ipagtanggol ng mga ito ang kanilang pagiging tama—at husgahan at kondenahin pa nga ang mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos, na lihim na lumaban sa Diyos sa kanilang puso, na itanggi ang Kanyang katuwiran, at itanggi na ang lahat ng Kanyang sinasabi at ginagawa ay ang katotohanan, na mga positibong bagay ang lahat ng ito. At kung titigil sila sa pananampalataya, gustong-gusto nila na sumunod ang lahat sa kanilang hindi pananampalataya, na umalis kasama nila, na maging kanilang mga tagasunod; gustong-gusto nila na itanggi ng lahat na ang Diyos ang katotohanan, at maniwala ang mga ito na nasa kanila ang katotohanan, na tama ang lahat ng kanilang ginagawa, at na kaya nilang baguhin ang mga tao at iligtas ang mga ito. Kung paaalisin o patatalsikin sila ng iglesia dahil sa paggawa ng masama, nagiging gustong-gusto nila na itatanggi ng maraming tao ang pag-iral at pagbabalik ng Diyos sa mundo, kung saan sila ay magiging mga taong hindi nananampalataya. Ikasisiya nila iyon. Ito ang magbabalik ng balanse sa kanilang puso, at magiging kaluwagan para sa kanila. Ang mga pagbubunyag na ito ng isang satanikong disposisyon, ang mga pag-uugaling ito, ang mga diwang ito, at maging ang mga masalimuot, detalyadong ideya at kaisipan na ito—kanino ba nila sinasabi ang mga ito? Tunay bang mga kapatid ang mga taong ito? May tunay ba silang pananalig sa Diyos? Tunay ba silang nagpapasakop sa Diyos? May kahit katiting ba silang takot sa Diyos? (Wala.) Mula rito, makikita na sa diwa, mapaminsala at kaaway ng Diyos ang mga anticristo. Tumpak ba ang pahayag na ito? Ito ba ang katotohanan? (Tumpak ito, at ito ang katotohanan.) Isandaang porsyento na ganito nga ang mga bagay-bagay. Ang pahayag na ito ay ang katotohanan, hindi ito kulang sa katotohanan, dahil isa itong katunayan, isang katunayang hindi nagbabago magpakailanman. Ganoon mag-isip ang mga anticristo, at iyon ang kanilang ginagawa. Pinamamahalaan ng kanilang mga personal na ambisyon at pagnanais ang lahat ng kanilang kilos at gawa, at pinamamahalaan at inuudyukan ng kalikasan ng mga anticristo. Kung gayon, maililigtas ba ang mga taong tulad ng mga anticristo? (Hindi.) Mapaminsala sila sa Diyos at sa katotohanan sa bawat pagkakataon. Sino man, sa pananaw nila, ang pumipinsala sa kanilang mga interes, sino man ang nagdudulot ng kawalan sa kanilang reputasyon, na pinagkakaitan sila ng kanilang mga pagnanais at ambisyon, ng kanilang pag-asa na mapagpala, mag-aalsa at magiging kaaway sila ng mga ito—tama man o mali ang kanilang ginawa. Iyon ang kalikasan ng mga anticristo. Kaya, anumang mga mali at masamang bagay ang nagawa ng mga taong tulad ng mga anticristo, o anumang mga bagay ang kanilang nagawa na sumasalungat sa mga prinsipyo at mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos, hindi nila papayagan ang iba na pungusan sila, o ilantad at pangasiwaan sila. Sa sandaling mangyari ang mga bagay na ito sa kanila, hindi lang sila mabibigong magpasakop sa mga ito at tanggapin ang mga ito, o mabibigong kilalanin na ang kanilang ginawa ay isang masamang gawa—hindi, gaganti sila, at susubukan nilang ibalik ang kanilang magandang reputasyon sa anumang paraang kinakailangan. Sa anumang paraang magagamit nila, susubukan nilang isisi sa iba ang kanilang mga kasalanan, ang kanilang mga pagkakamali, at wala silang aakuing anumang pananagutan. At higit pa roon: Ang kanilang pinakamalaking kagustuhan ay na malinlang at malihis ang mga tao para ang mga ito ang magdahilan para sa kanilang masasamang gawa at magtanggol sa kanila, at na mas maraming tao ang maaaring tumindig at magsalita para sa kanila. Ito ang pinakagusto nilang makita.

Tatapusin na natin ang ating kuwento rito. Tama ang inyong hula: Talagang mga anticristo ang dalawang iyon. Tanging mga anticristo lamang ang maaaring magkaroon ng gayong usapan, magbigay ng gayong mga pahayag, at magnais ng gayong mga bagay. Maaaring magkaroon paminsan-minsan ang mga normal, tiwaling tao ng gayong mga ideya, pero kapag totoong may nangyari nga sa kanila, babalik sila sa harap ng Diyos para maghanap at magdasal. Unti-unti, magagawa nilang magpasakop. Ang lahat ng tunay na mananampalataya, ang lahat ng may konsensiya at katwiran, ay magkakaroon ng may-takot-sa-Diyos na puso kapag sila ay pinungusan o pinalitan. Magkakaroon sila ng saloobin ng pagpapasakop, ng kahandaang magpasakop. Ayaw nilang maging salungat sa Diyos, na maging mapaminsala sa Kanya. Ganito dapat kumilos ang isang ordinaryong tao na may tiwaling disposisyon. Gayumpaman, walang ganitong taglay ang isang anticristo. Kahit gaano karaming sermon ang kanilang marinig, hindi nila bibitiwan ang kanilang mga pagnanais, at hindi nila bibitiwan ang kanilang mga ambisyon tulad ng pangongontrol, panghihikayat, at panlilihis sa mga tao. Higit pa rito, hindi talaga mababawasan ang mga bagay na iyon; habang lumilipas ang panahon at nagbabago ang mga sitwasyon, lalong lalala, lalong lalaki ang kanilang mga ambisyon at pagnanais. Ito ang radikal na pagkakaiba sa pagitan ng kalikasang diwa ng mga anticristo at ng mga ordinaryo, tiwaling tao.

Natapos na natin ngayon ang ating pagbabahaginan sa ikasiyam na aytem ng iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo. Ngayon, magbabahaginan naman tayo sa ikasampung aytem: Kinamumuhian nila ang katotohanan, tahasang nilalabag ang mga prinsipyo, at binabalewala ang mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos—kahit alin sa mga ito ay sapat nang malubha, at wala sa mga ito ang pagpapamalas ng isang ordinaryo, tiwaling disposisyon. Makikita sa alinman sa mga ito na ang diwa ng mga anticristo na taglay nila ay may kasamang kalupitan at kabuktutan. Ito ang dalawang malinaw at malubhang elemento. Sa pagkakataong ito, magagamit ba ang kayabangan, pagmamatigas, at panlilinlang para ilarawan ang diwa ng mga anticristo? (Hindi.) Magiging mahirap na matukoy ang mga pinakakatangiang ito ng diwa ng isang anticristo gamit ang mga pagsasalarawan na iyon. Tanging ang dalawang disposisyon ng kalupitan at kabuktutan ang maaaring gamitin upang mailarawan ang diwa ng mga anticristo.

Tatalakayin natin ang mga ito nang isa-isa. Namumuhi sila sa katotohanan—ano ang ibig sabihin ng “namumuhi”? (Ang hamakin ang isang bagay.) (Ang maliitin, alipustahin, at hindi pahalagahan ang isang bagay.) (Ang isiping ang isang bagay ay hindi karapat-dapat sa paggalang.) Ang mga salitang ginagamit ninyo ay halos pare-pareho ang ibig sabihin. Ang “pagkamuhi” sa isang bagay ay nangangahulugan na balewalain, hamakin, hindi pahalagahan, maliitin, at alipustahin ito. Sa pangkalahatan, nangangahulugan ito ng paglaban sa isang bagay, ng pagkamuhi rito, at pagkapoot dito, mula sa kaibuturan ng puso, at hindi pagtanggap dito, at maging pagkondena rito, kasama na ang mapanlaban na paghatol at paninirang-puri. Paano ito maikukumpara sa sinabi ninyo? (Mas detalyado at partikular ito.) Mas tiyak at praktikal ito kaysa sa sinabi ninyo. Karamihan sa mga pakahulugan na ibinigay ninyo ay mga kasingkahulugan ng “pagkamuhi.” Ang sinabi Ko ay isang karagdagang pagpipino sa diwa ng pagkilos at pag-uugali ng “pagkamuhi”; ito ay isang kongkreto, detalyadong paglalarawan ng pag-uugali at diwa ng pagkamuhi sa katotohanan. Nangangahulugan ito na kapag kinamumuhian ng isang tao ang katotohanan, sa kanyang ginagawa, sa kung paano niya tinatrato ang katotohanan sa kanyang pang-araw-araw na buhay, at sa saloobin na kanyang isinasapuso tungo sa mga bagay na may kinalaman sa katotohanan at mga positibong bagay, makikita ng mga tao na ang kanilang saloobin tungo sa katotohanan ay ganito: hindi pagtanggap, paglaban, at pagtutol dito—at maging paghatol, pagkondena, at paninirang-puri pa nga rito. Pawang mga partikular na paraan ito kung paanong ang “pagkamuhi sa katotohanan” ay napapamalas at nabubunyag—sobrang partikular na kasama na ang bawat aspekto ng mga saloobin ng isang tao sa katotohanan at mga pagharap niya rito: Namumuhi siya sa katotohanan, sa mga salita ng Diyos, at sa mga positibong bagay. Nilalabanan niya ang mga ito mula sa kaibuturan ng kanyang puso, at hindi niya ito tinatanggap. Kapag sinabi mo sa kanya na ang isang bagay ay mga salita ng Diyos, na ito ang katotohanan, ano ang magiging saloobin niya? “Ang mga salita ng diyos, ang katotohanan—anong pakialam ko! Ginagamit mo ang mga salita ng diyos at ang katotohanan kapalit ng lahat ng bagay. Wala bang iba pang bagay sa buhay nating mga tao bukod sa mga salita ng diyos? Nakabasa na kami ng maraming libro, natuto na kami ng maraming kaalaman—wala bang saysay ang lahat ng iyon? May utak at isip ang mga tao; may kakayahan silang mag-isip ng tungkol sa mga problema nang sila lang. Ibinabatay ang lahat ng bagay sa mga salita ng diyos at sa katotohanan—hindi ba’t medyo masyadong dogmatiko iyon?” Ano ang magiging saloobin nila kapag may nangyari sa kanila, at sinasabi mo sa kanila na kailangan nilang manalangin sa Diyos, hanapin Siya, at basahin ang Kanyang mga salita? “Basahin ang mga salita ng diyos? Kapag may nangyari sa atin, problema na natin iyon. Ano ang kinalaman ng mga problema ng tao sa diyos? Ano ang kinalaman ng mga ito sa katotohanan? Talaga bang iniisip mo na nasa mga salita ng diyos ang lahat, na parang ensiklopedya ang mga ito? Hindi naman nababanggit sa mga salita ng diyos ang lahat ng bagay. Dapat pangasiwaan ng mga tao ang mga problema ng mga tao, at ang mga partikular na problema ay humihingi ng mga partikular na solusyon. At kung hindi mo kayang pangasiwaan ang isang bagay, hanapin mo ito sa internet, o kumonsulta ka sa isang eksperto tungkol dito. Mayroon ngang mga propesor sa kolehiyo rito sa ating iglesia, at marami sa mga kapatid ang mga estudyante sa kolehiyo. Hindi ba’t lahat tayo ay sapat na para tumbasan ang katotohanan?” Sa sandaling mabanggit mo ang paghahanap sa Diyos at paghahanap sa katotohanan, sa sandaling sabihin mo na kailangan nilang basahin ang mga salita ng Diyos, naiisip na nila na dapat kang hamakin. Ayaw nilang magsagawa nang ganoon; tingin nila ay masyado iyong nakakababa at nakahihiya, at iniisip nilang magmumukha silang walang kakayahan. Hindi ba’t ito ay isang anyo ng pagkamuhi sa isang bagay? Isa itong aktuwal na pagpapamalas, isang aktuwal na pag-uugali, ng pagkamuhi sa katotohanan. Ang ganitong mga tao ay hindi kakaunti. Maaaring madalas silang makinig ng mga sermon, at may hawak na mga aklat ng mga salita ng Diyos, at nagsasagawa ng mga tungkulin sa sambahayan ng Diyos, pero kapag may nangyari sa kanila, at sinabihan silang hanapin ang katotohanan at basahin ang mga salita ng Diyos, sila ay natatawa at tutol dito. Hindi nila ito matanggap; namumuhi pa nga sila rito. Kaya kapag may nangyari sa kanila, gumagamit sila ng mga pamamaraan ng tao para lutasin ito, sinasabi nila: “Ang mga partikular na usapin ay humihingi ng mga partikular na solusyon, at ang mga isyu ng tao ay dapat lutasin ng mga tao. Hindi na kailangan pang hanapin ang diyos. Hindi na kailangang pangasiwaan ng diyos ang lahat ng bagay. Saka, may ilang bagay na hindi kayang pangasiwaan ng diyos. Mga pribadong usapin na namin ang mga iyon, na walang kinalaman sa diyos, at walang kinalaman sa katotohanan. Hindi dapat makialam ang diyos sa aming personal na kalayaan, at hindi niya dapat pakialaman ang aming mga pribadong usapin. May karapatan kaming pumili—at may karapatan kaming pumili kung paano kami mamumuhay, kung paano aasal, at kung paano kami magsasalita. Ang katotohanan at ang mga salita ng diyos ay para sa mga panahon ng pinakamalaking pangangailangan, para sa mga kritikal na panahon, para sa mga oras ng pinakamatinding pangangailangan, kapag may nangyari sa isang tao na hindi niya malutas, na wala siyang magawa—iyon ang oras na dapat niyang ilabas ang mga salita ng diyos at basahin ang mga ito nang kaunti, para makatulong, para mabigyan siya ng kaunting espirituwal na kaginhawahan. Sapat na iyon.” Makikita rito na ang saloobin sa katotohanan ng mga taong tulad ng mga anticristo ay malinaw na isang saloobin na hindi kinikilala na ang katotohanan ay maaaring maging buhay ng tao, o na ang mga salita ng Diyos ay may kaugnayan sa lahat ng nangyayari sa mga tao sa kanilang tunay na buhay. At lalong hindi nila pinaniniwalaan ang katunayan na hawak ng Diyos sa Kanyang kamay ang lahat ng may kinalaman sa tao.

Kinamumuhian ng mga anticristo ang katotohanan; marami itong saklaw. Ano ang ibig sabihin ng pagsasabing kinamumuhian ng mga anticristo ang katotohanan? Ano ang saklaw nito? Hahatiin natin ito sa tatlong aytem para sa paghihimay. Mas magiging malinaw ito sa inyo sa ganoong paraan. Una, kinamumuhian nila ang pagkakakilanlan at diwa ng Diyos. Hindi ba’t kumakatawan sa katotohanan ang pagkakakilanlan at diwa ng Diyos? (Oo.) Pangalawa, kinamumuhian nila ang laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos. Hindi ba’t ang laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos at ang gawaing Kanyang ginagawa ay ang katotohanan? (Oo.) Ang natitira ay kinamumuhian nila ang mga salita ng Diyos. Ang una ay kinamumuhian nila ang pagkakakilanlan at diwa ng Diyos; ang pangalawa ay pwedeng paikliin at sabihing kinamumuhian nila si Cristo; at ang pangatlo ay kinamumuhian nila ang mga salita ng Diyos. Magpapatuloy tayo para himayin nang magkakahiwalay ang bawat isa sa mga ito.

I. Kinamumuhian ang Pagkakakilanlan at Diwa ng Diyos

Una nating pagbabahaginan ang uri ng saloobin ng mga anticristo sa pagkakakilanlan at diwa ng Diyos, na magpapakita na kinamumuhian nila ang katotohanan sa aspektong ito. Ano ang saloobin ng isang anticristo sa pagkakakilanlan at diwa ng Diyos? Ano ang iniisip niya tungkol sa mga bagay na iyon? Paano niya binibigyang-kahulugan ang mga iyon? Paano niya tinitingnan ang mga iyon? Ano ang saklaw ng diwa ng Diyos? Ang matuwid na disposisyon ng Diyos, ang Kanyang pagkamakapangyarihan-sa-lahat, ang Kanyang kabanalan, at ang Kanyang pagiging natatangi. Tungkol naman sa katunayan na ang Kanyang pagkakakilanlan ay ang Lumikha, na Siya ang may kataas-taasang kapangyarihan sa kapalaran ng buong sangkatauhan, kinikilala ba ito ng mga anticristo? (Hindi.) Paano partikular na napapamalas na hindi nila ito kinikilala? (Hindi tinatanggap ng mga anticristo ang mga tao, pangyayari, at mga bagay na dumarating sa kanila araw-araw mula sa Diyos; sa halip, masyado lang nilang sinusuri ang mga isyung iyon, at tinutugunan ang mga iyon gamit ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao.) Tutugunan nila ang mga iyon gamit ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao? Tama ang unang bahagi ng sinabi mo: Kapag may nangyari sa isang anticristo, masyado lang nilang susuriin ang isyu. Ang ikalawang bahagi naman, kung saan sinabi mo na tutugunan nila ang mga bagay gamit ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao—mga ugali iyon na ginagawa ng mga ordinaryo, tiwaling tao. Ang pinagbabahaginan at inilalantad natin dito ay iyong kinamumuhian ng mga anticristo ang katotohanan at ang katunayan ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa kapalaran ng sangkatauhan. Para makahanap ng ebidensya para doon, kailangang maghanap ka ng mga nauugnay na pamamaraan at pag-uugali ng mga anticristo. Sa katunayan, kinikilala ng mga anticristo sa kanilang mga salita na “ang tao ay nilikha ng diyos, at ang kapalaran ng tao ay nasa mga kamay ng diyos, kaya dapat magpasakop ang mga tao sa kapamahalaan ng diyos”—pero ganoon ba nila tinatanggap ito kapag nangyayari sa kanila ang mga bagay-bagay? Talagang maganda at tama ang mga salitang sinasabi nila, pero hindi sila ganoon magsagawa kapag may nangyayari sa kanila. Ang kanilang pamamaraan at saloobin sa mga bagay-bagay kapag may nangyayari sa kanila ang nagbubunyag na ang mga salitang sinasabi nila ay pawang mga salita lamang, hindi tunay na kaalaman. Kapag may nangyayari sa kanila, anong uri ng mga pananaw, kaisipan, pahayag, at saloobin ang mayroon sila na nagpapatunay na mayroon silang diwa ng isang anticristo? Kapag may nangyari sa isang anticristo, kaya ba niyang tanggapin ang katunayang ito bilang kanyang unang reaksyon? Ang kumalma at magpasakop sa harap ng Diyos, at ang tanggapin ang kapaligiran na inihanda ng Diyos, mabuti man o masama, at kung kapaki-kinabang man ito sa kanya o hindi—iyon ba ang uri ng saloobing mayroon siya? Maliwanag na wala siyang gayong saloobin. Ang una niyang isinasaalang-alang kapag may nangyayari sa kanya ay kung paano ito nakakaapekto sa kanyang mga interes at posisyon; pagkatapos, nag-iisip siya ng mga pakana para makaalis dito, para makahanap ng labasan, para maiwasan ito. Dahil ayaw niyang akuin ang responsabilidad para sa naturang bagay, hindi diretsahan na naghahanap siya ng mga pangangatwiran at palusot; gumagamit siya ng mga pamamaraan ng tao para lutasin ito, at ginagamit niya ang kanyang utak upang suriin at tugunan ang isyu. Ipinapasa pa niya ang responsabilidad sa iba, nagrereklamo na ang taong iyon ay mali at ang isa naman ay hindi sumusunod sa ipinagawa, habang nagsisisi na siya ay walang-ingat at pabaya sa simula pa lamang, na ang mga bagay ay tulad ng dati. Maliwanag na mayroon siyang saloobin na lumalaban, umiiwas, tumatanggi, at hindi tumatanggap sa mga sitwasyong dumarating sa kanya, sa mga sitwasyong pinamamatnugutan ng Diyos. Ang kanyang unang reaksiyon sa mga kalagayang iyon ay labanan ang pagdating ng mga ito; ang pangalawa ay gumamit ng mga pamamaraan ng tao para ayusin ang mga ito, ang lampasan ang bagyo sa pamamagitan ng mga pamamaraan ng tao, at ang gamitin pa nga ang mga pamamaraan ng tao para pagtakpan ang mga katunayan, at pagtakpan ang mga kawalan na dulot ng mga ito sa gawain ng iglesia at sa buhay pagpasok ng mga kapatid. Ginugugol niya ang lahat ng kanyang mental na enerhiya sa paggamit ng mga pamamaraan ng tao para pagtakpan at itago ang kanyang masasamang gawain. Hindi niya kinikilala ang kalikasan ng masasamang bagay na kanyang ginawa, o kung aling mga prinsipyo ng katotohanan ang kanyang nilabag, pinagsasabihan pa nga niya ang mga nasa paligid niya: “Huwag ninyo itong ipaalam. Walang magsasabi ng kahit na ano; walang ibang dapat na makaalam.” Bukod sa hindi siya nagpapasakop at ayaw niyang tanggapin ang mga sitwasyong ito—lumalaban din siya, nanlalansi at may itinatago, sinusubukan niyang pagtakpan ang mga katunayan, umaasa siyang magiging maliit ang isang malaking bagay, para mabawasan ang kahalagahan nito, para hindi malaman ng kanyang mga nakatataas na lider o ng Diyos ang tungkol dito. Ganito pinapangasiwaan ng mga anticristo ang mga bagay na nangyayari sa kanila. Ang kanilang pangangasiwa ba sa mga bagay ay naaayon sa mga parirala na kanilang isinisigaw? Sa pagitan ng mga parirala na kanilang isinisigaw at ng kanilang saloobin kapag may nangyayari sa kanila, alin ang pagbubunyag ng kanilang kalikasang diwa? (Ang kanilang saloobin kapag may nangyayari sa kanila.) Kung gayon, ano ang mismong saloobin na iyon? Mayroon ba silang saloobin ng pagpapasakop? Mayroon ba silang gayong saloobin na mapagpakumbabang tumatanggap ng pagdidisiplina at pagpupungos ng Diyos sa kanila? Handa ba silang magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos? Ang kanilang saloobin at tunay na mga ugali ba ay iyong may tunay na pananampalataya na anuman ang mangyari sa kanila, ang Diyos ang Siyang may hawak ng kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng sa tao? (Hindi.) Hinding-hindi. Kung gayon, ano ang kanilang saloobin? Malinaw naman: Layon nilang tanggihan ang mga bagay, pagtakpan ang mga bagay, at manlinlang; layon nilang kumontra hanggang sa huli, at huwag hayaan ang Diyos na kumilos o maging ang may kataas-taasang kapangyarihan. Iniisip nila na mayroon silang kakayahan at kapasidad na itama ang lahat. Sa kanilang teritoryo, walang sinumang maaaring makialam sa kanilang gawain o pamahalaan sila—dapat sila ang pinakamahusay. Ang diyos ba na kanilang pinaniniwalaan ay umiiral pa rin sa sandaling iyon? Hindi na—isa na siya ngayong hungkag na katawan. Kaya, ano ang kanilang pananalig sa sandaling iyon? Ito ay malabo at hungkag, at mayroon itong panlilinlang sa loob nito. Wala silang tunay na pananalig.

Kapag wala pang nangyayari sa isang anticristo, magpapanggap siyang nakikinig sa mga sermon, nagbabasa ng mga salita ng Diyos, at nag-aaral ng mga himno. Makikilahok siya sa buhay-iglesia at maagap na makikilahok sa lahat ng proyekto ng gawain ng iglesia, madalas na sinasabi niya: “Nananampalataya kami sa diyos, kaya kailangan naming maniwala sa kanyang kataas-taasang kapangyarihan, at magpasakop sa kanyang kataas-taasang kapangyarihan. Ang lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng diyos, at ang lahat ng ginagawa niya ay mabuti.” Bukod dito, madalas nilang itinuturo sa iba: “Hindi dapat ipagpilitan ng mga tao na gawin ang kanilang sariling paraan. Kapag may nangyayari, dapat silang manalangin sa diyos, dahil ang lahat ay nasa kanyang mga kamay.” Ipinagsisigawan nila ang mga pariralang ito nang may pagmamataas, at mukhang lubos na determinado at desidido ang kanilang asal—ngunit hindi nila nagagawa ang mga inaasahan sa kanila kapag may nangyayari sa kanila, ang mga katunayan tulad ng kanilang tunay na ibinubunyag ay lubos at ganap na naglalantad ng kanilang tunay na tayog at ng kanilang diwa. Inilalantad nito na hindi sila naniniwala sa katunayan ng pagkakakilanlan at diwa ng Lumikha, o sa katunayan na Siya ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat. Ayaw nilang tanggapin ang mga katunayang ito, lalong ayaw nilang kilalanin ang mga ito. Ang mas masahol pa, bukod sa hindi nila kinikilala o tinatanggap ang mga ito, matigas din silang nananatiling mapanlaban hanggang sa wakas. Kapag may nangyari sa kanila, sila ay nagdaramdam, kung hindi dahil sa isang bagay, dahil naman sa isa pa. Hindi sila humaharap sa Diyos nang may maayos na pag-uugali at mapagpasakop na paraan para hanapin ang Kanyang mga pagnanais at ang Kanyang mga layunin; hindi sila mapagpasakop na lumalapit sa Diyos, at hindi sila nagpapasakop sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos, at hindi nila tinatanggap ang Kanyang mga pamamatnugot at kataas-taasang kapangyarihan; at hindi nila mapagpasakop na tinatanggap ang Kanyang pagdidisiplina. Sa halip, hinihiling nilang ayusin ang naturang bagay sa pamamagitan ng mga diskarte at pagpapakana ng tao, gamit ang mga pamamaraan ng tao—para hadlangan ang bagay, para ilihim ito sa iba at sa Diyos. Naniniwala sila na sa pamamagitan ng pangangasiwa sa naturang usapin, epektibo nila itong mapapatahimik—na sa pamamagitan ng pangangasiwa sa naturang usapin, mapagtatakpan ang kanilang mga pagkukulang at tiwaling disposisyon, at walang sinuman ang makakaalam sa mga iyon, o makakatuklas na may anumang mali sa naturang anticristo, o patuloy na mag-uusisa sa naturang usapin. Kung magkagayon ay may malaki silang mapagtatagumpayan, at pagkatapos, mapapanatag na sila. Kung huhusgahan ang mga salita at pag-uugali ng isang anticristo, at ang kanyang mga gawa at kilos, kapag may nangyari sa kanya, pati na ang diwa ng kanyang pag-uugali at pagganap, siya ay matigas na lumalaban sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Matigas niyang nilalabanan ito hanggang sa wakas. Anuman ang kanyang ginawang mali, hindi niya pinapayagan ang Diyos na pungusan siya, o na maghanda ng mga kapaligiran para disiplinahin siya, lalong hindi niya pinapayagan ang Diyos na ibunyag at ilantad siya. Sa sandaling siya ay malantad, sa sandaling lumabas na ang totoo, natataranta siya, at hindi mapakali at naiirita; binabaligtad pa nga niya ang mga katunayan at maagap na nagbibitaw ng mga akusasyon, sinasabi niyang nabigo ang Diyos na protektahan siya, na hindi siya pinagpala ng Diyos, na hindi patas ang Diyos—kapag ang parehong mga bagay ay nangyayari sa kanya at sa iba, bakit hindi ibinubunyag ng Diyos ang iba, bagkus ay siya lamang ang ibinubunyag? Kapag ang parehong mga bagay ay nangyayari, bakit hindi dinidisiplina ng Diyos ang ibang tao, bagkus ay siya lamang ang dinidisiplina? Sinasabi pa niya, “Dahil ang diyos ay hindi matuwid, kailangan kong protektahan ang aking sarili gamit ang mga pamamaraan ng tao, ang aking sariling mga pamamaraan.” Naniniwala siya na hindi siya pwedeng disiplinahin at ilantad ng diyos kapag may nagawa siyang mali, bagkus ay dapat siyang pagtakpan ng diyos, na bigyan siya ng diyos ng pahintulot sa bawat pagkakataon, ng madaling solusyon, na pagbigyan ng diyos ang lahat ng kanyang maling ginagawa. Naniniwala siya na iyon ang gagawin ng diyos. Kung ibubunyag siya ng Diyos, at hindi siya tatratuhin nang may espesyal na pabor kapag may nangyayari sa kanya, at hindi siya binibigyan ng espesyal na pangitain o pamumuno, pakiramdam niya ay hindi kaibig-ibig ang gayong Diyos, na hindi nababagay ang Diyos na magkaroon ng kataas-taasang kapangyarihan sa kanyang kapalaran. Kaya, kapag may nangyayari sa kanya, ayaw niyang magpasakop sa Diyos at tanggapin ang lahat ng nanggagaling sa Diyos bilang isang nilikha; sa halip, gusto niyang paglingkuran siya ng Diyos, na bigyan siya ng Diyos ng pakinabang sa lahat ng bagay, at huwag pa nga siyang pagsabihan o disiplinahin para sa anumang pagsalangsang na kanyang ginagawa, o para sa anumang katiwalian, paghihimagsik, o paglaban na kanyang ibinubunyag. Makikita ito sa bawat ugali at pagpapamalas ng isang anticristo na wala siyang tunay na pananalig sa Diyos. Ang kanyang diumano’y tunay na pananalig ay pagtatangka lamang na makakuha ng mga pakinabang at makapagkamit ng mga pakinabang. Hindi siya nagpapasakop sa mga pamamatnugot ng Diyos, bagkus ay pinamamatnugutan niya ang Diyos, ninanais niyang samantalahin ang Diyos para gumawa ng lahat ng bagay para sa kanya at magbukas ng mga oportunidad para sa kanya. Hindi niya tinatanggap ang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, o ang pagliligtas ng Diyos, bilang isang tiwaling nilikha. Sa halip, pakiramdam niya ay ekstraordinaryo niyang pinapaboran ang Diyos sa kanyang pananampalataya sa Diyos, at na dapat itong tandaan ng Diyos, at protektahan siya, at pagpalain siya nang walang kondisyon, at patawarin siya, anuman ang masamang bagay na kanyang nagawa, na bigyan siya ng Diyos ng espesyal na pagpapatawad. Ang uri ng mga tao na mga anticristo ay tunay na masasama. Wala talaga silang kahihiyan. Ni hindi nila alam kung anong uri sila o kung sino sila, kaya kapag may nangyayari sa kanila, walang kahihiyan silang nagbibigay ng mga paliwanag at dahilan, at nagmamakaawa sila at ipinipilit nila ang kanilang kaso, at ipinapasa nila ang sisi, at itinatago nila ang mga katunayan. Kinokontra nila ang Diyos hanggang sa wakas, sa takot na kung sila ay mabunyag at makilatis ng mga tao, mawawalan sila ng katayuan o katanyagan. Hanggang salita lamang ang kanilang pananalig sa Diyos; wala silang ginugugol, at hindi sila tunay na nagpapasakop, lalong malayo sila sa pagtanggap. Kaya, tungkol sa katunayan ng pagkakakilanlan ng Diyos, makikita sa diwa ng isang anticristo na sa kaibuturan ng kanyang puso ay tutol siya rito—ayaw niyang hayaan ang Diyos na maging ang may kataas-taasang kapangyarihan sa kanyang kapalaran at pamatnugutan ang lahat ng kanya. Ayaw niyang hayaan ang Diyos na maging ang may kataas-taasang kapangyarihan—sino ang nais niyang maging may kataas-taasang kapangyarihan? Gusto niyang siya ang may huling pasya, na nagpapahiwatig ng pagtutulot kay Satanas na manipulahin ang mga bagay, at nagtutulot sa isang tiwaling disposisyon at na ang tiwaling diwa ni Satanas ang maging kanyang buhay, at maghari sa kanyang puso. Ganoon ang nangyayari. At tungkol naman sa diwa ng Diyos—paano iyon tinatrato ng isang anticristo? Nagkikimkim ang isang anticristo ng mga pag-aalinlangan tungkol sa mga elemento na kinapapalooban ng diwa ng Diyos. Hindi siya naniniwala; siya ay nag-aalinlangan; mayroon pa nga siyang mga kuru-kuro, at pagkondena, tungkol sa lahat ng elementong iyon. Minsan, ginagamit pa niya ang kanyang imahinasyon, kaalaman, at utak para suriin ang mga elementong iyon at bigyang-kahulugan ang mga iyon. May ilang hangal na tao pa nga na naniniwala na ang kanilang mga pakahulugan ay talagang mabuti, espirituwal, lehitimo, at praktikal. Mas nakakasuklam iyon.

A. Kinamumuhian ang Pagiging Matuwid ng Diyos

Ang mga taong gaya ng mga anticristo ay laging tinatrato ang pagiging matuwid at ang disposisyon ng Diyos nang may mga kuru-kuro, mga pagdududa, at paglaban. Iniisip nilang, “Isang teorya lamang na matuwid ang Diyos. Mayroon ba talagang pagiging matuwid sa mundong ito? Ni minsan sa tanang buhay ko, hindi ko pa ito nasumpungan o nakita. Napakadilim at napakasama ng mundo, at ang masasamang tao at mga diyablo ay matatagumpay sa buhay, at kontentong namumuhay. Hindi ko pa nakitang natikman nila ang nararapat sa kanila. Hindi ko makita kung nasaan dito ang pagiging matuwid ng Diyos; napapaisip ako, umiiral nga ba talaga ang pagiging matuwid ng Diyos? Sino ang nakakita na nito? Wala pang nakakita nito, at walang makapagpapatunay nito.” Ito ang iniisip nila sa kanilang sarili. Hindi nila tinatanggap ang lahat ng gawain ng Diyos, ang lahat ng Kanyang salita, at ang lahat ng Kanyang pangangasiwa sa pundasyon ng paniniwalang Siya ay matuwid, bagkus lagi silang nagdududa at nanghuhusga, laging puno ng mga kuru-kuro, na hindi naman nila kailanman hinahanapan ng katotohanan para malutas. Laging ganito kung maniwala ang mga anticristo sa Diyos. May tunay ba silang pananalig sa Diyos? Wala. Lagi na lang nagdududa ang mga anticristo pagdating sa pagiging matuwid ng Diyos. Siyempre, mayroon silang mga pagdududa tungkol sa disposisyon ng Diyos, sa Kanyang kabanalan, at sa kung ano ang mayroon Siya at kung sino Siya. Hindi nila pinaniniwalaan ang mga iyon, kundi pinagbabatayan lamang nila kung ano ang nakikita ng kanilang mga mata—kung hindi nila nakikita ang isang bagay gamit ang kanilang mga mata mismo, hindi sila maniniwala rito kailanman. Katulad lang sila ni Tomas, na palaging pinagdududahan ang Panginoong Jesus, hindi naniniwala na ang Panginoong Jesus ay muling nabuhay mula sa pagkamatay, hindi naniniwala sa dakilang kapangyarihan ng Diyos. Magagawa bang maniwala ng gayong mga basurang tulad ng mga anticristo, na walang espirituwal na pagkaunawa o hindi hinahangad ang katotohanan, na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan? Magagawa ba nilang maniwala sa Kanyang pagkamakapangyarihan-sa-lahat at karunungan? Wala silang pinaniniwalaan sa mga ito; sa puso nila, palagi silang may mga pagdududa. Base sa diwa ng mga anticristo, pinagbabatayan nila ang nakikita ng mga mata nila, kaya sila ay mga materyalista. Hindi nila makita ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos, at hindi sila naniniwala na katotohanan ang Kanyang mga salita, na ang mga ito ay mga katunayan na Kanyang naisakatuparan na. Dahil wala silang espirituwal na pagkaunawa, at walang tunay na pananalig, wala silang paraan para makita ang mga gawa ng Diyos. Ang totoo ay may tinatago silang motibo sa kanilang pananampalataya sa Diyos. Sila ay mga walang habas na nanggugulo—mga lingkod ni Satanas. Magagawa bang matuklasan ng isang tao na hindi tumatanggap sa katotohanan o naniniwala sa pag-iral ng Diyos, na tinitingnan ang lahat ng bagay gamit ang mga mata ng tao, ang pag-iral ng katotohanan? Magagawa ba nilang matutuhan ang katunayan ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa sangkatauhan? Siguradong hindi. Tinitingnan nila ang mga bagay nang nagsisiyasat, naghihinala, at nang may saloobin na nagdududa, at nilalabanan pa nga nila ang lahat ng ginagawa ng Diyos, kaya ang mga anticristo ay hindi naniniwala sa matuwid na disposisyon ng Diyos. Mayroon silang mga pagdududa at hindi nila ito tinatanggap. Anong mga pag-uugali ng mga anticristo ang nagpapakita sa iba na hindi nila tinatanggap ang katotohanan o kinikilala ang diwa ng Diyos? Marami ang mga ganitong partikular na pag-uugali. Halimbawa: Kapag may lumilitaw na problema sa gawain ng iglesia, gaano man kalala ang paninisi para dito o kung ano ang mga kahihinatnan nito, ang unang reaksyon ng isang anticristo ay maghugas-kamay at ipasa ang sisi sa iba. Upang huwag managot, ilalayo niya ang atensyon ng iba sa kanya, nagsasalita ng ilang bagay na tama at masasarap-pakinggan at gumagawa ng mababaw na listahan ng gagawin, para mapagtakpan ang katotohanan ukol sa usapin. Sa mga ordinaryong pagkakataon, hindi ito makikita ng mga tao, pero kapag may nangyayari sa isang anticristo, nalalantad ang kanyang kapangitan. Gaya ng isang porcupine, na nakatayo lahat ang tusok-tusok nitong balahibo, pinoprotektahan nito ang sarili nang buong tapang, ayaw umako ng anumang responsabilidad. Anong uri ng saloobin ito? Hindi ba’t saloobin ito ng hindi paniniwalang matuwid ang Diyos? Hindi siya naniniwala na sinisiyasat ng Diyos ang lahat o na ang Diyos ay matuwid; gusto niyang gamitin ang sarili niyang mga pamamaraan para protektahan ang kanyang sarili. Naniniwala siya na, “Kung hindi ko poprotektahan ang sarili ko, walang ibang gagawa nito para sa akin. Hindi rin ako mapoprotektahan ng Diyos. Sinasabi nilang matuwid Siya, pero kapag nasuong sa gulo ang mga tao, talaga nga bang tinatrato Niya sila nang patas? Imposible—hindi iyon ginagawa ng Diyos.” Kapag nahaharap sa problema o pag-uusig, wala silang nararamdamang tulong, at iniisip nila na, “O, nasaan na ang Diyos? Hindi Siya nakikita o nahahawakan ng mga tao. Walang makatutulong sa akin; walang makapagbibigay sa akin ng katarungan at makapagtataguyod ng pagkamatuwid para sa akin.” Iniisip nila na ang tanging paraan para maprotektahan nila ang kanilang sarili ay sa pamamagitan ng sarili nilang mga pamamaraan, na kung hindi, magdurusa sila sa kawalan, maaapi at mauusig—at na kasama rito ang sambahayan ng Diyos. Ang isang anticristo ay naiplano na ang lahat para sa kanyang sarili bago pa man may anumang mangyari sa kanya. Sa isang bahagi, ang ginagawa niya ay ang magkunwaring isang makapangyarihang tao para walang sinumang mangangahas na pasamain ang loob niya, o guluhin siya, o apihin siya. Ang isa pang bahagi ay ang kanyang palaging pagsunod sa mga pilosopiya ni Satanas at sa mga batas ng pag-iral nito. Ano ang mga iyon, sa pangkalahatan? “Ang bawat tao para sa kanyang sarili, bahala na ang iba,” “Hayaan lang ang mga bagay-bagay kung hindi naman personal na nakakaapekto ang mga ito sa iyo,” “Ang matitinong tao ay mahusay sa pag-iingat sa sarili, tanging hangad nila ay hindi magkamali,” kumikilos ayon sa sitwasyon, nagiging mahusay at mautak, “Hindi ako aatake maliban na lang kung inatake ako,” “Ang pagkakasundo-sundo ay yaman; ang pagtitiis ay karunungan,” “Sumambit ng mabubuting salita na umaayon sa mga damdamin at katwiran ng iba, dahil naiinis ang iba sa pagiging prangka,” “Ang matalinong tao ay nagpapasakop sa mga sitwasyon,” at iba pang katulad na mga satanikong pilosopiya. Hindi niya mahal ang katotohanan, ngunit tinatanggap ang mga pilosopiya ni Satanas na para bang mga positibong bagay ang mga ito, naniniwalang mapoprotektahan siya ng mga satanikong pilosopiyang ito. Namumuhay siya ayon sa mga bagay na ito; hindi siya nagsasalita ng katotohanan sa sinuman, bagkus ay palagi siyang nagsasabi ng mga bagay na nakalulugod, nambobola, nagbibigay-puri, hindi nakapagpapasama ng loob ng sinuman, nag-iisip ng mga paraan upang maipakitang-gilas ang kanyang sarili para pahalagahan siya ng iba. Ang mahalaga lamang sa kanya ay ang sarili niyang paghahangad ng kasikatan, pakinabang, at katayuan, at wala siyang ginagawang kahit ano para itaguyod ang gawain ng iglesia. Sinumang gumagawa ng bagay na masama at pumipinsala sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, hindi niya ito inilalantad o iniuulat, bagkus nagkukunwang hindi niya ito nakita. Kung titingnan ang mga prinsipyo niya sa pag-aasikaso sa mga bagay-bagay at sa pagharap niya sa mga nangyayari sa paligid nila, mayroon ba siyang anumang kaalaman ukol sa matuwid na disposisyon ng Diyos? Mayroon ba siyang pananalig dito? Wala siyang pananalig. Ang “wala” rito ay hindi nangangahulugang wala siyang kamalayan ukol dito, kundi na mayroon siyang mga pagdududa tungkol sa matuwid na disposisyon ng Diyos sa kanyang puso. Hindi niya tinatanggap ni kinikilala na matuwid ang Diyos. Kapag nakikita niya ang maraming tao na nagpapatotoo na naghahari ang katotohanan at pagiging matuwid sa sambahayan ng Diyos, nilalabanan at hinuhusgahan niya ito sa kanyang puso, sinasabi niyang, “Bakit hindi pa napaparusahan ang malaking pulang dragon sa pang-uusig nito sa mga hinirang na tao ng Diyos? Ang masasamang tao na kabilang sa mga hindi mananampalataya ay inaapi ang mga hinirang na tao ng Diyos, at sinisiraan ang mga ito, at hinuhusgahan ang mga ito, ngunit wala pa rin silang natatanggap na kaparusahan. Lahat sila ay nasa maginhawang kalagayan—bakit lagi na lang ang mga mananampalataya sa Diyos ang inaapi?” Sa puso niya, hindi siya nananalig sa matuwid na disposisyon ng Diyos. Hindi siya naniniwala na tinatrato ng Diyos ang bawat tao nang matuwid, ni naniniwala na bibigyan ng Diyos ang bawat tao nang ayon sa nararapat dito, nang ayon sa mga gawa nito, at na ang mga naghahangad lamang sa katotohanan ang pagpapalain ng Diyos at magkakamit ng magandang destinasyon. Hindi naniniwala ang mga anticristo sa mga bagay na ito. Sinasabi nila sa kanilang sarili, “Kung totoo ang mga ito, bakit hindi ko pa nakikita ang mga ito? Sinasabi mo na pagpapalain ng Diyos ang mga naghahangad sa katotohanan. Kung gayon, bakit ganoon ang nangyayari kay ganito at ganyan sa aming iglesia? Siya naman ay naghahangad sa katotohanan, at ginugugol ang kanyang sarili para sa Diyos, at tapat siya sa paggawa ng kanyang tungkulin. Tinutugis siya ng malaking pulang dragon kaya halos hindi na siya makauwi; nagkahiwa-hiwalay na ang kanyang pamilya—ni hindi niya makita ang kanyang mga anak. Iyon ba ang pagiging matuwid ng Diyos? At si ganito at ganyan naman ay nakulong dahil sa pananalig sa Diyos, at doon sa bilangguan ay pinahirapan siya hanggang sa halos mamatay na siya. Kung gayon, nasaan ang matuwid na disposisyon ng Diyos? Nanindigan siya sa kanyang patotoo; hindi siya naging Judas. Bakit hindi siya pinagpala at pinrotektahan ng Diyos? At bakit pinahintulutan ng Diyos na bugbugin siya ng malaking pulang dragon hanggang sa halos mamatay na siya? Mayroon ding lider sa aming iglesia na iniwan ang kanyang pamilya at propesyon para sa gawain ng iglesia. Ginampanan niya ang kanyang tungkulin sa loob ng maraming taon at dumaan siya sa maraming paghihirap, ngunit sa huli, siya ay kinondena at pinaalis dahil sa kaunting kasamaan na nagawa niya at panggugulo sa gawain ng iglesia. Nasaan ang matuwid na disposisyon ng Diyos? At may ilang kapatid na gumagawa ng tungkulin sa sambahayan ng Diyos sa murang edad, nagtitiis sila ng mga paghihirap at nagpapakapagod, ngunit sa sandaling magkamali sila at malabag nila ang mga prinsipyo, sila ay pinupungusan. Ang ilan sa kanila ay umiiyak nang labis dahil sa takot na mapaalis at mapalayas, nang walang sinumang umaalo sa kanila. Bakit hindi ko makita ang pagiging matuwid ng Diyos doon? Sa anong paraan ba mismo naipapamalas ang matuwid na disposisyon ng Diyos sa mga bagay na ito? Bakit hindi ko ito makita? At nariyan din ang personal kong sitwasyon—maaaring medyo pabaya ako sa paggawa ng tungkulin ko, at maaaring minsan ay nagpapakita ako ng kaunting tiwaling disposisyon, ngunit may talento pa rin naman ako. Bakit hindi itaas ng sambahayan ng Diyos ang ranggo ko?” Sa lahat ng gayong mga bagay, hindi makita ng mga anticristo kung ano ang tunay na nangyayari. Nakikita lamang nila ang mga panlabas na pangyayari, ngunit hindi nila makita kung ano ang kalooban ng Diyos sa likod ng mga bagay. Ang kaibuturan ng kanilang mga puso ay puno ng mga pag-aalinlangan at pagdududa, ng mga ideya at kuru-kuro—at maraming gusot sa kanilang puso na hindi nila maituwid. Sa tuwing naiisip nila ang mga bagay na ito, napupuno sila ng sama ng loob, ng pagkondena at paglapastangan sa matuwid na disposisyon ng Diyos. Dahil naagrabyado sila, sinasabi nila sa kanilang sarili: “Kung matuwid ang Diyos, bakit pinupungusan ang mga taong taos-puso? Kung Siya ay matuwid, bakit hindi Niya pinapalampas ang mga tao kapag nagpapakita ang mga ito ng kaunting katiwalian? Kung Siya ay matuwid, bakit ang ilang tao, na gumanap ng kanilang tungkulin at nagtiis nang labis, ay tinatanggal, dahil lamang sa hindi paggawa ng aktuwal na gawain? Kung Siya ay matuwid, bakit kami, na sumusunod sa Kanya nang may labis na debosyon, ay inuusig at pinapahirapan at posibleng makulong, at sa ilang pagkakataon, ay pinapatay pa nga sa bugbog?” Walang malinaw na paliwanag ang mga anticristo para sa alinman sa mga pangyayaring ito. Hindi nila alam kung ano ang nangyayari sa mga ito; hindi nila ito makita nang malinaw. Madalas, tinatanong nila ang kanilang sarili: “Matuwid ba o hindi ang Diyos na sinasampalatayaan ko? Umiiral ba ang matuwid na Diyos o hindi? Nasaan Siya? Kapag kami ay nahaharap sa mga suliranin, kapag kami ay inuusig—ano ba ang ginagawa Niya? Kaya ba Niya kaming iligtas, o hindi? Kung ang Diyos ay matuwid, bakit hindi Niya lipulin si Satanas? Bakit hindi Niya lipulin ang malaking pulang dragon? Bakit hindi Niya pinarurusahan ang buktot na sangkatauhang ito? Bakit hindi Niya kami binibigyan ng hustisya at bakit hindi Niya itinataguyod ang katarungan para sa amin, na nananampalataya sa Kanya at nagdusa na nang labis? Bakit hindi Niya kami ipinagtatanggol? Kinamumuhian namin ang mga diyablo at si Satanas, at kinamumuhian namin ang masasamang tao—bakit hindi ipinaghihiganti ng Diyos ang aming mga hinanakit?” Sunud-sunod na “bakit” ang walang tigil na lumalabas mula sa puso ng isang anticristo, parang machine gun, na hindi makontrol sa anumang paraan. Kapag hindi nila makontrol ang mga bagay na ito, bakit hindi sila lumapit sa Diyos para manalangin at maghanap, o magbasa ng Kanyang mga salita at lumapit sa mga kapatid para makipagbahaginan? Hindi ba’t isa-isa nilang malulutas ang mga problemang ito kapag nagkagayon? Mahirap ba talagang lutasin ang mga problemang ito? Kung magiging saloobin mo ang pagpapasakop sa Diyos at sa katotohanan, ang pagtanggap sa katotohanan, ang mga problemang ito ay mawawala—lahat ito ay malulutas. Bakit hindi iyon magawa ng mga anticristo? Dahil hindi nila tinatanggap ang katotohanan, o pinaniniwalaan na ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan, o kinikilala ang katotohanan. Hindi sila makapagpasakop sa lahat ng kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, at lalong hindi nila matanggap mula sa Kanya ang lahat ng nangyayari. Kaya ang puso ng mga anticristo ay puno ng mga pagdududa tungkol sa pagiging matuwid ng Diyos. Kapag nahaharap sila sa tukso, ang mga pagdududa na pumupuno sa kanilang puso ay sasabog, at sa loob nila, kukuwestiyunin nila ang Diyos: “Kung matuwid ang Diyos, bakit Niya hinahayaang magdusa kami nang labis? Kung matuwid ang Diyos, bakit hindi Niya kaawaan kaming mga nagtiis ng matinding paghihirap sa pagsunod kay Cristo? Kung matuwid ang Diyos, bakit hindi Niya pinoprotektahan kaming mga ginugugol ang aming sarili para sa Kanya at ginagawa ang aming mga tungkulin, o pinoprotektahan ang aming mga pamilya? Kung matuwid ang Diyos, bakit Niya hinahayaan ang ilang tao na tapat na nananalig sa Kanya na mamatay sa bilangguan, sa mga kamay ng malaking pulang dragon?” Pagkatapos ay magsisimula silang magreklamo laban sa Diyos: “Kung matuwid ang Diyos, hindi Niya kami dapat hayaang magdusa nang labis; kung matuwid ang Diyos, hindi Niya kami dapat disiplinahin at ilantad nang walang sapat na dahilan; kung matuwid ang Diyos, dapat Siyang maging mapagparaya sa lahat ng masasamang gawa na ginagawa namin, at dapat Niyang patawarin ang lahat ng aming pagkanegatibo at kahinaan, at pagpasensyahan ang lahat ng aming pagsalangsang. Kung hindi Mo man lang magawa ang mga bagay na ito, hindi Ka isang matuwid na Diyos!” Ang lahat ng ito ay mga bagay na nasa isipan ng mga anticristo. Sila ay puno ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos, at hindi man lang nila hinahanap ang katotohanan upang lutasin ang mga ito. Pagdating ng araw na sila ay ilalantad, ang mga kuru-kurong iyon ay tiyak na lilitaw. Gayon ang pangit na pag-iisip at tunay na mukha ng mga anticristo.

Hindi kinikilala o tinatanggap ng mga anricristo ang katotohanan, lalo na ang katunayan na ang Diyos ay ang Lumikha, kaya para sa kanila, ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay nananatiling isang malaking tanong na wala pang kasagutan. At sa paglipas ng panahon, at sa paglitaw ng iba’t ibang pangyayari at isyu, ang kanilang tanong na iyon ay lumalaki nang lumalaki—at unti-unti, ito ay nagiging isang pagwawaksi. Ano ang ibig sabihin ng pagwawaksing iyon? Ibig sabihin nito ay tinatanggihan nila nang lubos ang katunayan na ang Diyos ay matuwid. At kapag ang pagwawaksing iyon ay naisakatuparan na—kapag itinanggi na ng isang anticristo ang pagiging matuwid ng Diyos—lahat ng kanyang mga pantasya at kagustuhan ay nauuwi sa wala. Isipin ninyo ito: Ano ang nagdudulot ng gayong resulta? (Iniisip ng mga anticristo na sa pananampalataya sa Diyos, sila ay dapat na pagpalain at protektahan ng Diyos. Kaya, kapag ang Diyos ay gumagawa ng gawain na hindi naaayon sa kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon, nararamdaman nilang hindi Siya matuwid, at hindi nila ito matanggap mula sa Kanya. Bukod dito, hindi sila nananalangin sa Diyos at naghahanap sa katotohanan kapag lumilitaw ang kanilang mga kuru-kuro tungkol sa Diyos, at hindi nila malutas agad ang mga ito. Ang pagkaipon at pagkapatong-patong ng kanilang mga kuru-kuro ang nagdudulot ng gayong resulta sa huli.) Ang binabanggit ninyo ay tungkol sa mga panlabas na pangyayari; hindi ninyo natutukoy ang ugat. Bakit ko nasasabi ito? Dahil may isang bagay sa ugat ng kakayahan ng mga anticristo na kumilos nang ganito at magkaroon ng gayong mga ideya, ng kanilang kakayahan na pagdudahan at itanggi ang Diyos. Ito ay tinutukoy ng kalikasang diwa ng isang anticristo, siyempre. Iyon ang ugat—tapusin na natin doon. Ang pangunahing ugat na dahilan, kung gayon, ay nagsisimula ang mga anticristo sa hindi pagkakaroon ng pagmamahal o pagtanggap sa katotohanan. Bakit hindi nila tinatanggap ang katotohanan? Ito rin ay may ugat: Hindi nila kinikilala na ang Diyos ay ang katotohanan, na ang Kanyang mga salita ay ang katotohanan—at dahil hindi nila kinikilala iyon, hindi nila ito matanggap. Dahil hindi nila tinatanggap ang katotohanan, magagawa ba nilang tingnan ang anumang problema mula sa perspektiba ng katotohanan? (Hindi.) Hindi nila magagawa iyon—kaya, ano ang mga kahihinatnan? Hindi nila lubos na mauunawaan ang mga bagay na nangyayari sa kanila, anuman ang mga ito—ang malalaki o maliliit na bagay na nangyayari sa paligid nila, pati na ang mga salita ng iba. Hindi nila lubos na mauunawaan ang mga tao o mga pangyayari—hindi nila lubos na mauunawaan ang anumang bagay. Ang ilang bagay sa panlabas ay tila katulad ng sinasabi nila, ngunit hindi ganoon ang diwa nito. Ito ay may kinalaman sa katotohanan. Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan o tinatanggap ito, mauunawaan mo ba ang katotohanan na kaugnay sa mga bagay na ito? Hindi, kaya ang magagawa mo lamang ay suriin at pag-aralan ang mga bagay gamit ang mga mata ng tao, gamit ang kaalaman ng tao, at gamit ang utak ng tao. Anong mga resulta ang ibubunga ng gayong pag-aaral? Tutugma ba ito sa katotohanan? Aayon ba ang mga ito sa mga hinihingi at layunin ng Diyos? Hindi kailanman. Tulad ng sa kuwento ni Job, na alam ng lahat ng nananampalataya sa Diyos. Ang lahat ng kumikilala at tumatanggap sa katotohanan at kayang manampalataya sa Diyos at magpasakop sa Kanya ay nagpupuri at humahanga kay Job sa kanilang puso; lahat sila ay nagnanais na maging isang taong katulad ni Job. Pinupuri at hinahangaan din nila ang mga pagpapahayag ni Job ng pagpupuri sa Diyos at ang kanyang kaalaman tungkol sa Diyos sa gitna ng mga pagsubok sa kanya. Kayang tanggapin ng mga tao sa kanilang puso na ang iba’t ibang pagsubok at paghihirap na naranasan ni Job ay gawa ng Diyos. Sa kabuuan, si Job, bilang isang tao, ay nagsisilbing inspirasyon para sa lahat ng naghahangad sa katotohanan. Lahat sila ay nais sundan ang halimbawa ni Job at maging tulad niya. Kaya, paano nakakamit ang gayong positibong kalalabasan? Ano ang pundasyon nito? Ang taos-pusong paniniwala at pagkilala na ito ay ang katotohanan, na ang lahat ng ito ay gawa ng Diyos—sa pundasyong ito na unti-unting hinihiling ng isang tao na maging tulad ni Job, na maging isang taong may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan. Pinaniniwalaan nila ang lahat ng ito at kinikilala ito sa kanilang puso, at sa huli, nakakamit nila ang isang aspirasyon patungo rito, na kanilang hinahangad sa kanilang buhay. Upang makamit ang gayong resulta, ang pinakapangunahing bagay ay iyong kinikilala ng isang tao ang lahat ng ito at pinaniniwalaan ito sa kanyang puso. Kaya, ang mga anticristo ba ay may ganitong pagkilala at paniniwala? Wala. Paano tinitingnan ng mga anticristo ang lahat ng pinagdaanan ni Job? Iniisip ba nila na may kahalagahan ang lahat ng ginawa ng Diyos? Nakikita ba nila na ang lahat ng ito ay pinamamahalaan ng Diyos? Hindi nila iyon nakikita, ni hindi nila nakikita na may kahalagahan sa lahat ng ginawa ng Diyos. Ano ang nakikita nila rito? Si Job ay may maraming kayamanan, may mga tupa at baka siya na makapupuno sa isang bundok, at mga pinakamarilag na mga anak na lalaki at babae sa lupain. Ito ang kanilang nakikita. At pagkatapos, matapos ang lahat ng kanyang mga paghihirap, muli siyang pinagpapala ng Diyos. Ano ang nakikita nila roon? Sasabihin nila, “Ang tao ay nakipagkasundo para sa mga pagpapalang iyon—pinagpaguran niya ang mga iyon. Tama lamang na ipagkaloob ng Diyos ang nga iyon.” Sa kanilang pangkalahatang pagkaunawa sa usaping ito, ang pananaw ba ng mga anticristo ay isang pananaw kung saan tinatanggap nila ang katotohanan at nagpapasakop sa Diyos? (Hindi.) Anong uri ang kanilang pananaw kung gayon? Mayroon lamang isang pananaw ang mga anticristo sa pagtingin sa buong usaping ito, at iyon ay ang pananaw ng isang walang pananampalataya. Ang isang walang pananampalataya ay tinitingnan kung mayroong pakinabang na nakukuha, o kalamangan na nakakamit, o kung nakararanas ng kawalan; paano magsamantala, at paano hindi magsamantala; ano ang magdudulot ng kawalan at pagdurusa; at ano ang hindi sulit gawin, at ano ang sulit. Ito ang pananaw ng mga walang pananampalataya. Ang mga walang pananampalataya ay tinitingnan, itinuturing, at ginagawa ang lahat ng bagay sa ganitong paraan, nang may ganitong uri ng diwa. Ito ang saloobin ng mga anticristo sa matuwid na disposisyon ng Diyos.

B. Kinamumuhian ang Pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos

Paano tinitingnan ng mga anticristo ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos? Patas namang sabihin na para sa isang anticristo, napakaemosyonal na mga salita ang “pagkamakapangyarihan-sa-lahat,” mga salitang puwedeng pumukaw sa kanyang mga ambisyon at pagnanais. Dahil gustung-gusto niyang maging ganoong uri ng tao. Ang maging makapangyarihan sa lahat, magkaroon ng walang hanggang kapangyarihan at maging omnipresente, magkaroon ng kakayahang gawin ang lahat ng bagay, malaman kung paano gawin ang lahat, magawa ang lahat—kung may taong magkamit ng kakayahang ito, kung mayroon siyang ganitong abilidad, magiging madali ang lahat para sa kanya. Hindi niya kakailanganing katakutan ang sinuman; magkakaroon siya ng pinakamataas na awtoridad, ng pinakamataas na katayuan, at magagawa niyang pagharian ang iba. Magkakaroon siya ng ganap na kapangyarihan na kontrolin at manipulahin ang ibang tao. Hinding-hindi ito maaabot ng isang anticristo, at ipinapakita nito ang kanyang mga ambisyon, pagnanais, at tunay na kulay. Sa isang banda ay pinupuno siya ng iba’t ibang uri ng imahinasyon, pagkamausisa, at mga kuru-kuro ng pariralang “pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos.” Sa isa pang banda ay gusto niyang mabatid ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos sa pamamagitan ng pananalig sa Kanya, para mapalawak niya ang sarili niyang pananaw, mapalalim ang kanyang kabatiran, at matugunan ang kanyang pagkamausisa. Sa isa pang banda ay nagsusumikap din siyang magkaroon ng walang hanggang kapangyarihan, na sambahin ng libu-libo, na parami nang paraming tao ang magpatirapa sa kanya at maglaan ng puwang sa puso nila para sa kanya. Kaya, mayroon bang tunay na kaalaman ang mga anticristo sa pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos? Mayroon ba silang tunay na pananalig rito? Muli, pareho ito sa matuwid na disposisyon ng Diyos—ang mga anticristo ay hindi lang puno ng mga kuru-kuro, ng malabo at hungkag na mga imahinasyon na hindi umaayon sa mga katunayan—pinagdududahan din nila nang husto ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos. Nagdududa sila; hindi sila naniniwala rito: “Pagkamakapangyarihan-sa-lahat? Saan sa mundong ito mayroong isang taong makapangyarihan sa lahat? Saan may isang taong omnipresente at may walang hanggang kapangyarihan? Walang gayong tao! Maraming dakila at tanyag na tao sa mundo, at maraming tao na may paranormal na kakayahan: halimbawa, mga propeta, at ang iba’t ibang uri ng mga astrologo at tagapagpakahulugan ng propesiya, at maging sila ay hindi nagtataglay ng walang hanggang kapangyarihan. Kuwestiyonable pa rin ang ‘pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng diyos,’ kailangan itong lubos na saliksikin.” Kaya, para sa isang anticristo, hindi umiiral ang diwa ng pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos, dahil, sa kanyang paniniwala, “Hindi ko maisip o maunawaan kung paano maaaring maging makapangyarihan sa lahat ang diyos, kaya hindi umiiral ang kanyang ‘pagkamakapangyarihan-sa-lahat’ na ito. Hindi ko ito kinikilala. Gaano ba talaga kahusay ang mga abilidad at kakayahan ng diyos? Walang tao—sa nakaraan, kasalukuyan, o hinaharap man—ang nakakita o makakakita nito.” Palaging nagdududa at hindi sigurado sa kanilang puso ang mga anticristo, kaya nagiging paksa at saklaw ng kanilang pagsasaliksik ang lahat ng nangyayari sa iglesia at sa mga kapatid. Ano ang kanilang sinasaliksik? Sinasaliksik nila ang lahat ng nagaganap, ang lahat ng nangyayari sa isang grupo o sa isang tao, kung ano ang ginawa ng Diyos, kung paano Siya gumawa, kung mayroon bang mga palatandaan at kababalaghan sa loob nito, kung mayroon bang anumang bago at natatanging mga pangyayari na lampas sa kayang maisip ng tao o lampas sa abilidad at maaabot ng tao. Bukod pa rito, sinasaliksik nila kung mayroon bang mga kapatid na nagsabi ng karanasan na gumawa sa kanila ang Diyos nang lampas sa mga inaasahan ng tao. Ang isang halimbawa nito ay ang paglabas ng isang batang babae mula sa isang bahay ng kuhol sa ilog, tulad ng nasa kuwentong bayan, at paghahanda ng isang piging para sa kanila, sa oras na sila ay pinakagutom. Ang isa pa ay ang biglang paglitaw ng ginto sa kanilang bahay, sa oras na kapos sila sa pera, o biglang pagkabulag ng mga umuusig sa kanila, kaya walang makitang anuman ang mga ito, sa oras na sila ay tinutugis, at ang pagbaba ng isang anghel at pagsasabi sa kanila na, “Huwag kang matakot, anak—narito ako para tulungan ka.” Ang isa pang halimbawa ay, sa oras na nakararanas ng malupit na pambubugbog at matinding pagpapahirap ang mga kapatid, ang pagsinag ng dakilang liwanag ng diyos at pagbulag nito sa mga mata ng mga nananakit sa kanila, kung kaya’t ang mga ito ay gumugulong sa sahig, nagmamakaawa, hindi na muling nangangahas na saktan pa ang mga kapatid, pagkatapos silang ipinaghiganti ng diyos; o, sa oras na binabasa nila ang mga salita ng Diyos pero hindi nila maintindihan ang mga ito gaano man nila subukan, at halos makatulog na sila, pagkakita nila ng isang malabong anyo na nagsasabi sa kanila, “Huwag kang matulog; gumising ka—ito ang ibig sabihin ng aking mga salita”; o, kapag may nangyari at malapit na silang magkamali, pag-alerto sa kanila ng isang malakas at panloob na pagsaway at pagdidisiplina na mali ang gagawin nila, at na ang isa pang bagay ang tamang gawin. Kung alinman sa mga bagay na ito, na hindi kayang maranasan at gawin ng mga karaniwang tao, ay nangyari sa iglesia, sa sambahayan ng Diyos, sa sinumang sumusunod sa Diyos, sapat na iyon upang patunayan na ang Diyos ay makapangyarihan sa lahat. Kung hindi nangyayari ang gayong mga bagay, o kung bihirang mangyari ang mga ito, at kahit na mangyari man ang mga ito, sabi-sabi lang din naman ang mga ito, at kaya labis na nakokompromiso ang pagiging tunay at kapani-paniwala ng mga ito, kung gayon, katunayan ba o hindi ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos? Nagtataglay ba ang Diyos ng diwa ng pagkamakapangyarihan-sa-lahat o hindi? Sa puso ng isang anticristo, kinukwestiyon niya ang mga ideyang ito.

Palaging hinahangad ng mga anticristo ang mga palatandaan, kababalaghan, at paranormal na kapangyarihang ito habang ang Diyos ay gumagawa, nagsasalita, at nagliligtas sa tao. Hinahangad nila ang mga bagay na hindi tumutugma sa realidad o mga katunayan. Walang anumang kinalaman ang mga bagay na ito na kanilang hinahangad sa gawain ng Diyos ng pagliligtas sa tao, o sa katotohanan, o sa pagbabago sa disposisyon ng tao. Pero pursigido pa rin silang hangarin ang mga ito. Puno sila ng pagkamausisa sa pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos. Madalas, sa kanilang mga panalangin, humihiling sila sa Diyos: “O diyos, maaari mo bang ipakita sa akin ang iyong pagkamakapangyarihan-sa-lahat? O diyos, hindi ba’t ikaw ay makapangyarihan sa lahat? Kung ganoon, hinihiling ko na lutasin mo ang bagay na ito para sa akin. O diyos, kung ikaw ay makapangyarihan sa lahat, may walang hanggang kapangyarihan at omnipresente, nagmamakaawa ako na tulungan mo ako, dahil nahaharap ako sa mga hamon ngayon. O diyos, kung ikaw ay makapangyarihan sa lahat, nagmamakaawa ako na alisin mo ang mga karamdaman sa aking katawan, na alisin mo ang mga sitwasyon na kinakaharap ko, na tulungan mo akong maiwasan ang panganib. O diyos, kung ikaw ay makapangyarihan sa lahat, nagmamakaawa ako sa iyo, na habang ginagawa ko ang aking tungkulin, gawin mo akong matalino at magaling, may talento at kaloob pagkatapos lamang ng isang magdamag, para maarok ko ang mga propesyonal na kasanayan nang hindi ko na pag-aaralan pa ang mga ito, para maging eksperto ako, at mamukod-tangi sa iba. O diyos, kung ikaw ay makapangyarihan sa lahat, hinihiling ko sa iyo na parusahan at gantihan mo ang mga naninira at nangungutya sa aking pananampalataya sa iyo. Gawin mo silang bulag at bingi, na may mga sugat sa kanilang ulo, at may mga nana ang kanilang mga talampakan. Hayaan mo silang mamatay tulad ng mga aso. O diyos, kung ikaw ay makapangyarihan, nagmamakaawa ako sa iyo, ipakita mo sa akin ang iyong pagkamakapangyarihan-sa-lahat.” Marami nang sinabing salita at ginawa ang Diyos, pero nagbubulag-bulagan ang mga anticristo rito at binabalewala nila ito; hindi nila kailanman isinasapuso ang mga salita ng Diyos, ni ang Kanyang gawain at ang bawat hakbang ng Kanyang mahalagang gawain ng pagliligtas sa tao, hindi nila ito sineseryoso. Sa halip, pursigido silang humiling ng mga palatandaan at kababalaghan, na gumawa ng mga himala ang Diyos sa gitna ng Kanyang gawain, hinihiling na gumawa ang Diyos ng mga espesyal na bagay na magbubukas ng kanilang mga mata at matutugunan ang kanilang pagkamausisa, para patunayan ang Kanyang pag-iral, para patunayan na Siya ay makapangyarihan sa lahat. Ang mas nakakatawa pa ay nagdarasal pa sa Diyos ang mga anticristo para magsumamo: “O diyos, hindi kita makita, kaya maliit ang aking pananalig. Hinihiling ko na ipakita mo ang tunay mong anyo sa akin, kahit na sa isang panaginip lamang—hinihiling ko na ipakita mo sa akin ang iyong pagkamakapangyarihan-sa-lahat, para magkaroon ako ng pananalig sa iyo at maniwalang tunay sa iyong pag-iral. Kung hindi, palagi akong magkakaroon ng mga alinlangan sa aking pananampalataya sa iyo.” Hindi nila makita ang pag-iral ng Diyos o malaman ang Kanyang diwa at disposisyon sa gitna ng Kanyang gawain at mga salita, bagkus ay nais nilang gumawa Siya ng mga karagdagang bagay, mga bagay na hindi kayang isipin ng tao, para palakasin sila at patatagin ang kanilang pananampalataya. Marami nang sinabi at nagawa ang Diyos, pero gaano man kapraktikal ang Kanyang mga salita, gaano man nakakapagpatibay ang mga katotohanang Kanyang sinasabi sa mga tao, gaano man nila kailangan itong maintindihan agad, hindi interesado ang mga anticristo, at hindi nila isinasapuso ang mga ito. Sa katunayan, habang lalo pang nagsasalita ang Diyos, habang lalo pang nagiging partikular ang Kanyang ginagawang gawain, lalong nasusuklam, naiirita, at nakararamdam ng paglaban ang mga anticristo. Bukod dito, magkakaroon pa ng pagkondena at paglapastangan sa Diyos ang kalooban nila; tututol sila sa Kanya: “Ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat mo ba ay nasa mga salitang ito? Iyon lang ba ang ginagawa mo—ang magpahayag ng mga salita? Kung hindi ka magsasalita, hindi ka ba magiging makapangyarihan sa lahat? Kung ikaw ay makapangyarihan sa lahat, huwag kang magsalita. Huwag mong gamitin ang pagsasalita o pagbabahagi tungkol sa katotohanan at ang pagtutustos ng katotohanan sa tao para magkaroon kami ng buhay at magkamit ng pagbabago sa disposisyon. Kung lahat kami ay gagawin mong mga anghel pagkatapos lamang ng isang magdamag, gagawing iyong mga mensahero—iyon ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat!” Habang binibigkas ng Diyos ang Kanyang mga salita at ginagawa ang Kanyang gawain, nabubunyag at nalalantad ang kalikasan ng mga anticristo, nang paunti-unti, nang walang naitatago, at ganap ding nalalantad ang kanilang diwang tutol at lumalaban sa katotohanan. Ang disposisyon at diwa ng mga anticristo na namumuhi sa pagkakakilanlan ng Diyos at sa Kanyang diwa ay nalalantad at nabubunyag din, nang paunti-unti, sa paglipas ng panahon at sa walang tigil na pagsulong ng gawain ng Diyos. Naghahangad ng malalabong bagay ang mga anticristo; hinahangad nila ang mga palatandaan at kababalaghan—at dahil pinamumunuan sila ng ambisyon at pagnanais na ito, na hindi umaayon sa realidad, nalalantad ang kanilang kalikasan na tutol sa katotohanan at namumuhi rito. Sa kabaligtaran, ang mga tunay na naghahangad sa realidad at sa katotohanan, na naniniwala at nagmamahal sa mga positibong bagay, ay nakikita ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos sa proseso ng Kanyang gawain at mga salita—at ang nakikita, nakakamit, at nalalaman ng mga taong ito ay ang mismong mga bagay na hindi kailanman magagawang malaman at makamit ng mga anticristo. Naniniwala ang mga anticristo na kung makakamit ng mga tao ang buhay mula sa Diyos, kailangang may mga palatandaan at kababalaghan; naniniwala sila na kung walang mga palatandaan at kababalaghan, ang pagkakamit ng buhay at ng katotohanan mula sa mga salita ng Diyos lamang, at pagkatapos ay pagkakamit ng pagbabago ng disposisyon at pagtatamo ng kaligtasan, ay imposible. Para sa isang anticristo, imposible magpakailanman iyon—hindi ito makatotohanan. Kaya, walang pagod silang naghihintay at nagdarasal, umaasa silang ipapakita ng Diyos sa kanila ang mga palatandaan at kababalaghan at na gagawa ang Diyos ng mga himala para sa kanila—at kung hindi, ibig sabihin ay hindi umiiral ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos. Ang implikasyon sa likod nito ay na kung hindi umiiral ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos, siguradong hindi umiiral ang Diyos. Ito ang lohika ng mga anticristo. Kinokondena nila ang pagiging matuwid ng Diyos, at kinokondena nila ang Kanyang pagkamakapangyarihan-sa-lahat.

Habang inililigtas ng Diyos ang mga tao, ganap na walang interes ang mga anticristo sa Kanyang mga salita, sa Kanyang iba’t ibang hinihingi, at sa Kanyang mga layunin. Nilalabanan nila ang mga bagay na ito at tutol sila sa mga ito mula sa kaibuturan ng kanilang puso. Hindi sila interesado sa realidad ng lahat ng positibong bagay, ni sa kaligtasan at sa magawang perpekto na puwedeng makamit ng tao bilang resulta ng paghahangad sa katotohanan at pagpapasakop sa mga pamamatnugot ng Diyos. Kung gayon, saan nga ba sila interesado? Interesado sila sa pagpapakita ng diyos ng mga palatandaan at kababalaghan at sa paggawa ng mga himala para makita nila, sa pagbibigay sa kanila ng diyos ng kabatiran sa pamamagitan ng paggawa nito, at sa paggawa sa kanila na maging mga kahanga-hangang tao, mga superhuman, mga tao na may espesyal na kapangyarihan, mga ekstraordinaryong tao. Hinihiling nilang mawala sa kanila ang mga posisyon, pagkakakilanlan, at mga katayuan ng pagiging ordinaryong tao, karaniwang tao, at tiwaling tao sa pamamagitan ng pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos. Kaya, anuman ang mga kuru-kuro o problema na mayroon sila sa gitna ng gawain ng Diyos, hindi nila hinahanap ang katotohanan para malutas ang mga ito. Bukod sa hindi lamang nila magawang maunawaan ang katotohanan o makamit ang pagbabago sa disposisyon—hinuhusgahan din nila ang Diyos, at kinokondena Siya, at nilalabanan Siya, dahil sa lahat ng Kanyang ginagawa na hindi naaayon sa kanilang mga kuru-kuro. Sa mata ng mga anticristo, hindi nila kinikilala ang lahat ng praktikal na gawain ng Diyos—ito ang kanilang kinokondena. Sa huli, ang mga pananaw na ito, at ang mga depinisyon ng Diyos na ito, ang nagiging sanhi para ganap nilang itanggi sa kanilang puso ang pag-iral ng diwa ng Diyos, at higit pa ay ang kondenahin, dungisan, at lapastanganin ang pag-iral ng diwa ng Diyos. Ito ay dahil ang kanilang paniniwala sa Diyos ay nakabatay sa saligan na ang diyos ay makapangyarihan sa lahat, na itatama ng diyos ang ginawang mali sa kanila, na siya ang maghihiganti para sa kanila, na para sa kanila, tatalunin ng diyos ang lahat ng kanilang kinamumuhian at hinahamak—na tutugunan ng diyos ang kanilang mga kagustuhan at ambisyon. Ito ang pundasyon ng kanilang pananampalataya sa Diyos. Pero sa kasalukuyan, nakikita ng mga taong ito na walang ganitong umiiral na diyos, at walang posibilidad na gagawin ng Diyos ang anumang bagay para sa kanila. Sa kanilang pananaw, hindi ito kanais-nais na sitwasyon para sa kanila—kakila-kilabot ito. Kaya, pagkatapos nilang maranasan ang maraming bagay, lalong tumitindi ang kanilang mga alinlangan at pagdududa sa Diyos, hanggang sa magpasya silang iwan ang Diyos at ang Kanyang sambahayan, para hangarin ang mundo, sundan ang masasamang kalakaran, at para ibigay ang kanilang sarili sa bisig ni Satanas. Ganoon ang nangyayari sa mga taong ito. Batay sa saloobing kinikimkim ng mga anticristo sa matuwid na disposisyon ng Diyos at sa Kanyang pagkamakapangyarihan-sa-lahat, talagang mga hindi mananampalataya ang mga anticristo. Wala silang kahit katiting na pananalig sa Diyos, ni kahit katiting na pagpapasakop o pagtanggap sa ginagawa ng Diyos. Pagdating sa mga positibong bagay at sa katotohanan, nasusuklam at mapanlaban sila sa mga ito. Kaya, kahit paano mo man ito tingnan, talagang umiiral ang hindi mananampalatayang diwa ng mga anticristo. Hindi ito isang bagay na ipinipilit sa kanila ng iba, at hindi ito isang pagmamalabis—natutukoy ang diwa nila batay sa lahat ng mga pananaw at mga pamamaraan na kanilang ibinubunyag kapag may nangyayari sa kanila.

Nananampalataya ang mga anticristo sa Diyos sa loob ng maraming taon nang hindi nagagawang makita ang katotohanan na may kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos sa kapalaran ng tao. Hindi nila maunawaan ang katunayang iyon. Hindi nila maunawaan ang isang katunayan kahit na nasa harap na nila ito—hindi ba’t pagiging bulag iyon? Ang matuwid na disposisyon ng Diyos at ang Kanyang pagkamakapangyarihan-sa-lahat ay madalas na nabubunyag sa gawain ng iglesia, sa Kanyang mga hinirang, at sa iba’t ibang klaseng pangyayari. Tinutulutan Niyang makita ng mga tao ang mga bagay na ito kahit saan—pero dahil bulag ang mga anticristo, hindi nila ito makita. Kapag maraming taon nang sumusunod sa Diyos ang mga anticristo, sasabihin nila ang tanyag na parirala: “Maraming taon na akong nanalig sa diyos, pero ano ang nakamit ko?” Tila wala talagang silang nakamit. Ibinuhos ng Diyos ang Kanyang buhay para sa tao, pero walang nakamit ang mga anticristo. Hindi ba’t kahabag-habag iyon? Talaga ngang kahabag-habag iyon! Mahusay na inilalarawan ng pariralang iyon ang problema. Ang lahat ng nakakarinig sa mga salita ng Diyos at nakakaranas sa Kanyang gawain, na tinatanggap ang Kanyang mga salita bilang kanilang buhay, ay magsasabi: “Maraming taon na kaming nananampalataya sa Diyos, at marami na kaming natamo mula sa Kanya. Hindi lamang biyaya at mga pagpapala, ang Kanyang proteksyon, at ang Kanyang awa—ang mas mahalaga ay na mula sa Diyos, naunawaan at nakamit namin ang napakaraming katotohanan. Namumuhay kami nang may wangis ng mga tao, nang may dignidad. Alam namin kung paano umasal. Napakalaki ng aming pagkakautang sa Diyos. Kumpara sa halagang ibinabayad Niya, sa Kanyang ginagawa para sa amin, ang aming kaunting paghihirap ay hindi nga nararapat pang banggitin. Dapat suklian ng tao ang pagmamahal ng Diyos.” Gayumpaman, baligtad ang mga anticristo. Sinasabi nila, “Ilang taon nang gumagawa ang diyos, kaya bakit wala pa akong nakakamit? Sinasabi ninyong lahat na nakamit na ninyo ang ganito at ganoon, na nagkaroon kayo ng ganito at ganoong karanasan—pero mapapakain ba kayo ng mga karanasang iyon? Ano ang halaga ng mga karanasang iyon? Kumpara sa mga pagpapala, sa biyaya, sa pagkakita sa mga palatandaan at kababalaghan, hindi ba’t ganap na hindi na nararapat banggitin ang mga iyon? Kaya pakiramdam ko, sa maraming taon ng pananampalataya ko sa diyos, wala pa akong nakamit. Kumpara sa pagdurusang tiniis ko, sa mga tinalikuran at ginugol ko para sa Diyos, hindi sulit ang mga nakamit ko! Ano ba ang katotohanan kundi ilang pahayag at teorya lamang? Ano ba ito kundi ilang doktrina lamang? Narinig ko na ang mga salitang ito, ang mga katotohanang ito, at hindi ko nararamdaman na nagkaroon ng napakalaking pagbabago sa akin! Halimbawa na lang, hindi ganoon kaliksi ang aking isipan kapag nag-iisip ako ng mga bagay. Bukod doon, tumatanda na ako, at hindi na gaya ng dati ang aking kalusugan. Maputi na ang buhok ko, marami na akong kulubot sa mukha—nawala pa nga ang ilang ngipin ko, at wala nang bagong tumubo. Sinasabi ng diyos na ang mga naligtas ay parang mga sariwa, maliliksing bata, at heto ako, isang matandang kalansay, na may mukha ng isang matanda. Hindi ako naging bata. Ayon sa mga salita ng diyos, puwedeng maging mga kabataan na may maitim na buhok ang mga ubaning tao. Bakit hindi pa ako nagbago? Sinasabi ng diyos na ganap Niyang babaguhin ang mga tao, pero hindi pa iyon nangyari sa akin; hindi ako naging isang bagong tao. Ako pa rin ito, at kapag may mga nangyayari sa akin, kailangan ko pa ring alamin kung paano harapin ang mga ito nang ako lang. Dumarami rin ang aking mga pisikal na paghihirap—madalas akong mahina at negatibo. At higit pa, mahina na ang aking memorya nitong huling dalawang taon. Binabasa ko ang mga salita ng diyos nang madalas, pero hindi niya pinalakas ang aking memorya. Hindi ba kayang bigyan ng diyos ang mga tao ng espesyal na abilidad, isang abilidad na pipigilang tumanda ang kanilang katawan? Pakiramdam ko, ang pinakamalaking isyu ngayon ay ang ganap na pagbabago ng mga tao; parang hindi kayang lutasin ng katotohanan ang problemang iyon. Kung magsasabi ang Diyos ng isang bagay na talagang makakapagbago sa isang tao, na may anyo ng isang nagniningning na anghel, na maaaring maging di-nakikita, na puwedeng makatakas sa pamamagitan ng pagtagos sa matitibay na pader, na, kapag nahaharap sa pang-uusig at panganib, ay makakapagsalita ng isang orasyon at maglalaho, at magiging hindi maaabot magpakailanman—kung, sa pamamagitan ng madalas na pagbabasa ng mga salita ng diyos, hindi puputi ang buhok ng mga tao, at hindi kukulubot ang kanilang mga mukha, at tutubo ang mga bagong ngipin kapalit ng mga nawala—magiging kamangha-mangha iyon! Iyon ang ibig sabihin ng ganap na pagbabago! Kung gagawin ng diyos ang mga bagay na iyon, mananampalataya na ako na siya nga ay diyos, nang walang anumang pag-aalinlangan. Kung magpapatuloy siya sa pagsasalita at pangangaral ng katotohanan, mawawala ang aking pananalig; hindi magtatagal, hindi ko na kakayanin pang patuloy na manampalataya, at marahil ay hindi ko na magagampanan ang aking tungkulin. Aayaw na ako.” Sa haba ng panahon na sumusunod ang isang anticristo sa Diyos, madalas na lilitaw sa kanyang puso ang mga ganitong klaseng hinihingi, at lahat ng uri ng pagdududa at labis-labis na mga hinihingi ang madalas na lilitaw sa loob ng kanilang mga kuru-kuro, at bilang tugon sa kanilang mga kalagayan at sa kanilang mga personal na pagnanais, ang lahat ng uri ng kakaibang ideya ay pumapasok sa kanilang isipan. Kaya lamang: Hindi maunawaan ng mga anticristo ang mga salitang sinasabi ng Diyos, at hindi nila makita ang katunayan na gumagawa ang Diyos para iligtas ang tao, lalong hindi nila maunawaan na ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay para iligtas ang tao, na iyon ay para bigyang kakayahan ang tao na makamit ang pagbabago ng disposisyon. Kaya, habang patuloy silang nananampalataya, nawawalan sila ng gana; habang patuloy silang nananampalataya, lumilitaw sa kanilang puso ang pagiging negatibo at ang kawalan ng pag-asa, at napapaisip sila na umatras, na sumuko. Pagdating sa diwa ng Diyos, kalimutan na natin kung maniniwala sila rito, o kung kikilalanin o tatanggapin nila ito—habang patuloy silang nananampalataya, ni hindi man lang nila pinapansin ang naturang isyu. Kaya naman, kapag sinasabi mo sa pagbabahagi na ang isang bagay ay katuwiran ng Diyos at ang Kanyang pagkamakapangyarihan-sa-lahat at kataas-taasang kapangyarihan, na dapat magpasakop dito at kilalanin ito ng mga tao, hindi iimik ang mga anticristo—hindi sila magpapahayag man lang ng kahit anong pananaw. Pero sa loob nila, lilitaw ang pagkasuklam: Hindi nila gugustuhing makinig; hindi sila magiging handang makinig; ang iba sa kanila ay tatayo at aalis na lamang. Kapag nakikinig ang lahat sa mga sermon, kapag pinagbabahaginan ng iba ang mga salita ng Diyos, kapag buong sigasig na nagbabahagi ang mga kapatid ng kanilang mga patotoong batay sa karanasan—ano ang ginagawa ng mga anticristo? Umiinom ng tsaa, nagbabasa ng mga magasin, naglalaro sa kanilang mga telepono, nagtsitsismisan. At sa pamamagitan ng mga tahimik na kilos na ito ng pagprotesta at pagtutol, sinusubukan nilang patunayan sa kanilang mga pag-uugali na walang silbi lahat ang ginagawa ng Diyos: “Sinusubukan lang ninyo na pangatwiranan ang mga bagay-bagay, niloloko ninyo ang inyong sarili—sadyang hindi umiiral ang diyos at ang katotohanan, at imposibleng mailigtas ng diyos ang sangkatauhan!” Sa tingin nila, mga hangal ang lahat ng naniniwala sa katotohanan, nagpapasakop sa Diyos, at naniniwala sa katunayan na kayang iligtas ng Diyos ang sangkatauhan—lahat sila ay walang utak, at lahat sila ay naloko. Naniniwala sila na ang kapalaran ng isang tao ay nasa sariling mga kamay nito, na hindi dapat hayaan ng isang tao na pamatnugatan ng iba ang kapalaran niya, na hindi mga papet ang mga tao, bagkus ay may isip at abilidad na mag-isip nang malaya tungkol sa mga problema—at kung ni hindi kayang kontrolin ng isang tao ang kanyang sariling kapalaran, siya ay basura, isang mababang uri ng tao. Kaya, anuman ang mangyari, hindi sila handang ipagkatiwala ang kanilang kapalaran sa Diyos para kontrolin Niya. Ito ang saloobin ng mga anticristo sa lahat ng ginagawa ng Diyos. Nananatili silang mga nagmamatyag at mga hindi mananampalataya mula simula hanggang wakas, na ginagampanan ang papel ng mga alipores ni Satanas. Sila ay mga nananamantala at mga gumagawa ng gulo—sila ay mga taong gumagawa ng masama na lihim na nakapasok.

C. Kinamumuhian ang Kabanalan at Pagiging Natatangi ng Diyos

Hindi kinikilala o pinaniniwalaan kahit kaunti ng mga anticristo ang katuwiran at pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng disposisyong diwa ng Diyos, lalong wala silang kaalaman tungkol sa mga ito. Siyempre, mas mahirap pa para sa kanila na paniwalaan, kilalanin, at alamin ang kabanalan at pagiging natatangi ng Diyos. Kaya, kapag binabanggit ng Diyos na nais Niyang maging tapat ang mga tao, na nais Niyang maging praktikal na nilikha ang mga ito na kayang manatili sa kanilang kinalalagyan, may mga ideyang lumilitaw sa mga anticristo, at nagkakaroon sila ng isang saloobin at damdamin. Sinasabi nila: “Hindi ba’t dinakila ang diyos? Hindi ba’t siya ay kataas-taasan? Kung gayon, dapat enggrande at dakila ang mga hinihingi niya sa tao. Inakala kong napakahiwaga ng Diyos; hindi ko naisip na hihingi siya ng gayong maliliit na kahilingan sa tao. Puwede bang ituring ang mga ito bilang ang katotohanan? Napakasimple ng mga ito! Nararapat lang na mataas ang mga hinihingi ng Diyos: Dapat maging isang napakahusay na tao, isang dakilang tao, isang taong may kakayahan—iyon ang dapat hingin ng diyos na gawin ng tao. Nais niya na maging tapat ang isang tao—gawain ba talaga iyon ng diyos? Hindi ba peke iyon?” Sa kaibuturan ng kanilang puso, hindi lang lumalaban ang mga anticristo sa katotohanan—habang ginagawa nila iyon, lumilitaw din sa kanila ang paglalapastangan. Hindi ba’t iyon ay paghamak nila sa katotohanan? Puno sila ng panghahamak at pang-aalipusta sa mga hinihingi ng Diyos; tinutukoy at tinatrato nila ang mga ito nang may saloobin ng pangungutya, pagwawalang-bahala, pang-uuyam, at panlilibak. Maliwanag na kasuklam-suklam ang mga anticristo sa kanilang disposisyong diwa; hindi nila magawang tanggapin ang mga bagay o salita na totoo, maganda, at praktikal. Totoo at praktikal ang diwa ng Diyos, at naaayon sa pangangailangan ng mga tao ang Kanyang mga hinihingi sa mga tao. “Mataas at dakila,” gaya ng sinasabi ng mga anticristo—ano iyon? Huwad, hungkag, at mababaw iyon; ginagawa nitong tiwali ang mga tao at inililihis sila; nagdudulot iyon ng kanilang pagbagsak, at naglalayo sa kanila sa Diyos. Sa kabilang banda, matapat, kaibig-ibig, at praktikal ang mga katotohanang ipinapahayag ng Diyos at ang Kanyang buhay. Kapag naranasan at napagdaanan na ng isang tao ang mga salita ng Diyos nang ilang panahon, matutuklasan nila na ang buhay ng Diyos lamang ang pinakakaibig-ibig, na ang Kanyang mga salita lamang ang makapagpapabago sa mga tao at magiging kanilang buhay, at ang mga ito ang kailangan ng mga tao—samantalang ang mga mataas, dakilang opinyon at kasabihang inilalabas ni Satanas at ng mga anticristo ay ganap na salungat sa pagiging totoo at praktikal ng mga hinihingi ng Diyos sa tao. Samakatwid, batay sa ganitong uri ng diwa ng mga anticristo, lubos nilang hindi kayang tanggapin ang kabanalan at pagiging natatangi ng Diyos. Imposibleng kilalanin nila ang mga bagay na iyon. Pagdating naman sa iba’t ibang aspekto ng tiwaling disposisyon at tiwaling diwa ng mga tao na inilalantad ng Diyos—sa kanilang pagiging mapagmatigas at mapagmataas, sa kanilang mga disposisyon ng panlilinlang, kabuktutan, pagtutol sa katotohanan, at kalupitan—hinding-hindi tinatanggap ng mga anticristo ang mga ito. Pagdating naman sa paghatol ng Diyos sa mga tao at sa Kanyang mahigpit na pagsaway sa mga ito, hindi lang hindi kayang malaman ng mga anticristo ang kabanalan at pagiging kaibig-ibig ng Diyos sa mga iyon—sa kabaligtaran, sa puso nila ay tutol sila sa mga salitang sinasabi ng Diyos, at nilalabanan nila ang mga ito. Sa tuwing binabasa nila ang mga salita ng Diyos na nagkakastigo, humahatol, at naglalantad sa tiwaling disposisyon ng tao, kinamumuhian nila ang mga ito at gusto nilang magmura. Kung may magsabi na sila ay isang mapagmataas na tao, isang mapagmatigas na tao, isang buktot na tao na tutol sa katotohanan, makikipagtalo sila sa taong iyon at mumurahin ang mga ninuno nito; at kung may maglalantad ng kanilang tiwaling diwa at kokondenahin sila, para bang gusto silang patayin ng taong iyon—hinding-hindi nila ito matatanggap. Dahil may ganitong diwa at nagbubunyag ng mga ganitong bagay ang mga anticristo kaya sila natutukoy, nang hindi nila nalalaman, at hindi sinasadyang nabubukod at nabubunyag sila, sa sambahayan at sa iglesia ng Diyos. Madalas na hindi natutupad ang kanilang ambisyon at pagnanasa, at kaya tumitindi ang kanilang pagkamuhi sa mga salitang sinasabi ng Diyos, sa Kanyang pag-iral, at sa pariralang “naghahari ang katotohanan sa sambahayan ng Diyos.” Kung sasabihin mo sa kanila ang pariralang iyon, gugustuhin nilang labanan ka hanggang sa kamatayan, na pahirapan at parusahan ka hanggang mamatay ka. Hindi ba’t nagpapakita ito na laban sa Diyos ang mga anticristo? Oo, ganoon nga! Kung may magsabi, “Natatangi ang Diyos; walang sinumang tao o anumang idolo ang dapat sambahin, maliban sa Kanya,” magiging handa ba ang isang anticristo na marinig ito? (Hindi.) Bakit hindi? Hindi ba’t kinokondena sila ng mga salitang ito? Hindi ba’t ipinagkakait nito ang kanilang karapatang maging diyos? Magiging masaya ba sila kung wala silang karapatang maging diyos, kung mawawala ang pag-asang iyon? (Hindi.) Kaya kung ilalantad mo sila, kung hahayaan mong masira ang kanilang katayuan at reputasyon, nang walang sinumang sumasamba sa kanila, kung hahayaan mong hindi sila makahikayat ng mga tao, nang walang katayuan, sasaktan ka nila nang may malisyoso, malademonyong mga kuko, para pahirapan ka. Kapag may mga nangyayari sa isang iglesia, at may isang tao na gusto itong iulat sa Itaas, papayagan ba siya ng lider ng iglesia na gumawa ng ulat, kung ang lider ay isang anticristo? Hindi siya pahihintulutan nito. Sasabihin nito, “Kung mag-uulat ka, ikaw ang mananagot sa mga kahihinatnan! Kung pupungusan tayo ng itaas at magpapaalis ng mga tao sa ating iglesia, sisiguraduhin kong magsisisi ka—hihimukin ko ang lahat na abandonahin ka. Magkagayon ay maramdaman mo kung ano ang pakiramdam ng mapaalis!” Hindi ba’t tinatakot at pinagbabantaan nito ang taong mag-uulat? Sinasabi ng anticristo, “Natatangi ang diyos, hindi ba? Sige; magiging natatangi rin ako. Ang sinasabi ko ang nasusunod sa ating iglesia. Anuman ang gusto mong gawin, kailangang dumaan muna ito sa akin—at hindi ka makakalampas sa akin. Gusto mo akong lampasan? Kakailanganin mo muna akong patayin! Ako ang naghahari sa ating iglesia; ang sinasabi ko ang nasusunod dito. Ako ang katotohanan—ako ang natatangi!” Hindi ba’t ito ay isang demonyo na nagpapamalas? Oo nga—ang maladiyablong hitsura nito ay nalalantad, ang mga maladiyablong salita nito ay nabibigkas.

Tungkol sa kung paano tinatrato ng mga anticristo ang diwa ng Diyos, nagsisimula sila sa hindi paniniwala at mga pagdududa, pagkatapos ay naghihintay sila at sumusubok, at sa huli ay humahatol sila at naglalapastangan. Paunti-unti sila nitong dinadala sa isang kumunoy, isang walang hanggang bangin, at dinadala sila nito sa landas ng paglaban sa Diyos at pagiging kaaway Niya, pagiging ganap na salungat sa Kanya, at pagtutol sa Kanya hanggang sa wakas, kung saan hindi na sila makapagbabago pa. Hindi lang sila nabibigong kilalanin ang pag-iral ng diwa ng Diyos—sa halip, lumilitaw sa kanila ang lahat ng uri ng mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa bawat aspekto ng diwa ng Diyos, na siyang kanilang ginagamit para ilihis ang mga tao sa palibot nila at ang mga taong nakakasalamuha nila. Ang layon nila ay ang gawing kagaya nila ang mas maraming tao, na pinagdududahan ang pag-iral ng Diyos at ang Kanyang diwa. Kapag namatay sila, gusto pa nilang hilahin pababa ang iba kasama nila. Hindi sapat para sa kanila na gumawa ng masasamang bagay nang sila lang—gusto nilang makahanap ng iba na makakasama nila, para gumawa ng masasamang bagay kasama nila, para labanan ang Diyos at guluhin ang gawain ng Kanyang sambahayan kasama nila, para pagdudahan at itatwa ang Diyos kasama nila. Puno ng mga kuru-kuro at imahinasyon ang mga anticristo tungkol sa bawat aspekto ng diwa ng Diyos. Bukod sa hindi nila magawang malaman ang diwa ng Diyos mula sa lahat ng Kanyang ginagawa—mahigpit din nilang susuriin, aaralin, susubukin, at hahatulan ang diwa ng Diyos, at palihim pa ngang makikipagtunggali sa Diyos, na sinasabing: “Hindi ba’t natatangi ka? Hindi ba’t ikaw ang diyos na may kataas-taasang kapangyarihan sa kapalaran ng sangkatauhan? Paano mo napahintulutang mangyari sa mga taong nananampalataya sa iyo ang gayong mga bagay? Kung ikaw ang natatanging diyos, hindi mo dapat payagan ang anumang puwersang kaaway na manghimasok sa iyong lugar ng gawain.” Anong klaseng pagsasalita iyon? Sa tuwing may nangyayari sa iglesia, unang tatayo ang mga anticristo at magsasabi ng mga bagay na mapanghamak, ng mga negatibo at mapanghusgang salita. Sila ang unang tatayo at makikipagtalo sa Diyos, kokomprontahin Siya, igigiit na gawin Niya ang ganito’t ganyang bagay. Sobrang saya ng mga anticristo sa mga oras na partikular na nahaharap sa mga suliranin o masalimuot na problema ang sambahayan ng Diyos. Iyon ang mga oras kung kailan sila ay pinakamasaya at pinakanatutuwa, kung kailan sila nakakatalon ng napakataas nang dahil sa tuwa. Bukod sa hindi nila magawang itaguyod ang mga interes ng sambahayan ng Diyos—hindi, nakatayo lang sila sa gilid-gilid, nanonood at tumatawa, sabik na naghihintay na lumitaw ang paghihimagsik sa sambahayan ng Diyos, na ang lahat ng Kanyang mga hinirang na tao ay mahuli at magkawatak-watak, at hindi na makausad ang gawain ng Kanyang sambahayan. Magkagayon, magiging masaya sila katulad ng kanilang kasiyahan kapag bisperas ng Bagong Taon. At sa tuwing naaayos at nalulutas ang isang bagay na nangyayari sa sambahayan ng Diyos, kapag may nakuhang aral mula rito ang mga kapatid, doon ibababa ang “hatol” ng mga anticristo. Iyon din ang oras kung kailan ang mga anticristo ay pinakawalang pag-asa, malungkot, at naghihinagpis. Hindi nila matiis na makita ang mga kapatid na nasa mabuting kalagayan, o ang mga tagasunod ng Diyos na may pananalig, at puno ng kumpiyansa habang sumusunod sa Diyos; hindi nila matiis na makita ang mga kapatid na nagbabago ang disposisyon sa ilalim ng gabay ng mga salita ng Diyos, at tapat na ginagawa ang kanilang mga tungkulin, at nagiging mas maayos ang gawain. Hindi nila matiis na makita na umuunlad ang iglesia, o na unti-unting umuusad sa magandang direksyon ang plano ng pamamahala ng Diyos—at higit pa nilang kinapopootan kapag ang mga tao ay palaging nangangaral ng mga salita ng Diyos, nagpapatotoo para sa Kanya, at pinupuri ang Kanyang pagiging kaibig-ibig at ang Kanyang matuwid na disposisyon. At higit pa roon, napopoot sila kapag naghahanap sa Diyos ang mga tao, nananalangin sa Kanya, at naghahanap ng Kanyang mga salita kahit ano man ang mangyari sa kanila, nagpapasakop sa Diyos at sumusunod sa pamamatnugot ng Diyos. Kahit na kumakain ang mga anticristo mula sa sambahayan ng Diyos, tinatamasa ang mga salita ng Diyos, at tinatamasa ang lahat ng mga benepisyo ng Kanyang sambahayan, madalas silang nagnanais na magkaroon ng pagkakataong pagtawanan ang sambahayan ng Diyos. Sabik silang naghihintay na magkawatak-watak ang lahat ng mananampalataya sa Diyos, at hindi na makausad pa ang gawain ng Diyos. Kaya, kapag may nangyayari sa sambahayan ng Diyos, sa halip na ipagtanggol ito, o mag-isip ng mga paraan para lutasin ang isyu, o protektahan ang mga kapatid nang buong lakas nila, o makiisa sa kanila para ayusin ang isyu nang magkakasama, sama-samang humarap sa Diyos at magpasakop sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan, tatayo lang sa gilid ang mga anticristo, nang tumatawa, nagbibigay ng maling payo, nangwawasak at nanggugulo. Sa isang kritikal na sandali, mag-aalok pa sila ng tulong sa mga tagalabas sa kapinsalaan ng sambahayan ng Diyos, kaya’t umaakto sila bilang alipores ni Satanas, sadyang ginugulo at winawasak ang mga bagay. Hindi ba’t kaaway ng Diyos ang gayong tao? Kapag mas kritikal ang sandali, mas malinaw na nalalantad ang kanilang maladiyablong wangis; kapag mas kritikal ang sandali, mas maraming nangyayari, mas detalyado at ganap ang pagkakalantad ng kanilang maladiyablong wangis; kapag mas kritikal ang sandali, mas maraming tulong ang ibinibigay nila sa mga tagalabas sa kapinsalaan ng sambahayan ng Diyos. Anong klase sila? Mga kapatid ba ang mga gayong tao? Sila ang mga taong gumagawa ng mapanira, kasuklam-suklam na mga bagay; mga kaaway sila ng Diyos; mga diyablo sila, mga Satanas sila; masasamang tao sila, mga anticristo. Hindi sila mga kapatid, at hindi sila maliligtas. Kung talagang mga kapatid sila, mga tao ng sambahayan ng Diyos, kung gayon, sa anumang problema na lumitaw sa Kanyang sambahayan, makikipagkaisa sila sa puso at isipan ng kanilang mga kapatid para harapin at ayusin ito nang magkakasama. Hindi sila tatayo lang sa gilid, lalong hindi sila manonood lamang at tatawa. Tanging ang mga taong katulad ng mga anticristo ang tatayo sa gilid, tatawa, at sabik na maghihintay na mangyari ang masasamang bagay sa sambahayan ng Diyos.

Maaaring mailantad ang diwa ng mga anticristo sa anumang usapin. Hindi ito maitatago. Anuman ang ginagawa nila, anuman ang isyu, kasuklam-suklam sa tao at sa Diyos ang lahat ng pananaw at disposisyon na kanilang ibinubunyag. Hindi lamang sila nagdudulot ng pagkasira, panggagambala, at panggugulo sa lahat ng uri ng mga bagay na nagaganap, habang tumatawa sa gilid—madalas din bilang binabangga ang Diyos at sinusubok ang Diyos. Ano ang ibig sabihin ng subukin ang Diyos? (Sa puso nila, hindi sila nananampalataya sa Diyos, at nagsasabi sila ng ilang bagay o gumagamit ng ilang panlalansi para subukin ang mga kaisipan ng Diyos, sinusubukang alamin kung ano ito.) Nakikita mong madalas itong mangyari. Sa kaso ni Job, paano sinubukan ni Satanas ang Diyos? (Sa unang beses na nagsalita si Satanas, sinabi nito na kung aalisin ng Diyos ang pamilya at mga ari-arian ni Job, hindi na niya sasambahin ang Diyos; sa ikalawang beses, sinabi nito na kung sasaktan ng Diyos ang laman at buto ni Job, itatatwa niya ang Diyos. Gusto ni Satanas na subukin ang Diyos sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga sakuna kay Job.) Isa bang pagsubok iyon? Isa ba iyong tumpak na kahulugan ng salita? (Hindi.) Sa mas tumpak na pananalita, tumutukoy sa isang paratang ang mga siping iyon. Ang ibig sabihin ni Satanas sa pagsasabi ng mga bagay na iyon ay, “Hindi ba’t sinabi mo na isang perpektong tao si Job? Sa lahat ng magandang bagay na ibinigay mo sa kanya, paanong hindi siya sasamba sa iyo? Kung aalisin mo sa kanya ang magagandang bagay na iyon, sa palagay mo ba ay sasamba pa rin siya sa iyo?” Iyon ay isang paratang. Kung gayon, anong uri ng bagay ang isang pagsubok? Nagpadala si Satanas ng mga magnanakaw para nakawin at samsamin ang mga ari-arian ni Job. Para kay Job, isa iyong pagsubok. Paano iyon naging isang pagsubok? Ganito: “Hindi ba’t nananampalataya ka sa diyos? Kapag inalis ko ang mga bagay na ito sa iyo, tingnan natin kung maniniwala ka pa rin sa kanya!” Pero paano iyon naintindihan ni Job? Dahil naniniwala siyang isa itong pagsubok mula sa Diyos, hindi siya lumaban o tumutol, ni nagsalita ng anuman—nagpasakop siya, at tinanggap niya ito mula sa Diyos. Mayroon ding mga bagay na nangyari sa Panginoong Jesus: hinimok Siya ni Satanas na gawing pagkain ang mga bato, at pinakita nito sa Kanya ang lahat ng kaluwalhatian at kayamanan sa mundo, at hinimok Siyang yumuko at sumamba rito. Tukso ang mga iyon. Ngayon, anong mga bagay ang ginagawa ng mga anticristo bilang pagsubok sa Diyos? (Walang may-takot-sa-Diyos na puso ang mga anticristo. Gumagawa sila ng kasamaan, kahit alam nilang masama ito; gusto nilang subukan ang Diyos para makita kung paparusahan sila ng Diyos. Dahil hindi sila naniniwala sa matuwid na disposisyon ng Diyos, kapag gumagawa sila ng kasamaan, hindi nila ito namamalayan.) Isa iyong pagsubok. Ginagawa nila ito nang may maghintay at tingnan ang mangyayaring kaisipan; gusto nilang makita kung ano talaga ang gagawin ng Diyos: “Hindi ba’t marangal at napopoot ang diyos? Pinahihirapan ko ang iglesia at napakarami kong nagawang masamang bagay sa likod ng diyos at ng tao—alam ba ito ng diyos, o hindi? Kung walang kalungkutan sa loob ko at hindi ako nagdurusa ng kaparusahan sa laman, ibig sabihin, hindi ito alam ng diyos.” Gumagawa sila ng maliliit na hakbang para subukan kung makapangyarihan ba sa lahat ang diyos, para subukan kung pinagmamasdan Niya ang kaibuturan ng puso ng tao. Iyon ang mga pagsubok. Gusto nilang patunayan ang pagiging totoo ng usapin, para subukan kung ang Diyos ay talagang kikilos at kung Siya ay talagang umiiral. Iyon ang mga pagsubok.

Minsan, may isang anticristo sa mainland China na nanlihis ng isang grupo ng mga tao. Nakita niya na nag-oorganisa ang sambahayan ng Diyos ng mga koro at umaawit ng mga himno sa ibang bansa, at naisip niya, “Kung kaya nilang bumuo ng mga koro sa ibang bansa, kaya rin naming gawin ito dito.” Kaya tinipon niya ang mga tao mula sa iba’t ibang lugar para umawit sa isang koro. Nagtipon din siya ng maraming tagapakinig para sa kanila; isa itong malaking pangyayari. Bakit niya ito ginawa? Sa isang banda, nagtatayo siya ng isang nagsasariling kaharian, na hindi na kailangan pa ng karagdagang paliwanag. Sa kabilang banda, ang ibig niyang sabihin ay, “Tunay na diyos ang diyos na pinaniniwalaan natin, at nasa atin ang gawain ng banal na espiritu. Maaaring nasa isang mapanganib na kapaligiran tayo, na inuusig ng malaking pulang dragon at mahigpit tayo nitong binabantayan, pero ipakita natin sa mga tao kung pinoprotektahan ba tayo ng diyos o hindi. Tingnan natin kung may mangyayari sa atin; tingnan natin kung maaresto tayo.” Anong uri ng pag-iisip iyon? (Isang pag-iisip ng pagsubok.) Ito ay pagsubok—hayagan itong pagpoproklama at paggamit ng mga islogan gaya ng paniniwala na makapangyarihan sa lahat at omnipresente para siyasatin kung ano ang aktuwal na gagawin ng Diyos, makipagpustahan sa Kanya, at makipagtalo sa Kanya. Tinatawag iyon na “pagsubok.” Para sa ilang tao, kapag sinabi sa kanila ng iba, “Hindi mo puwedeng kainin ito; sasakit ang tiyan mo,” sinasabi nila, “Hindi ako naniniwala sa iyo, kakainin ko ito! Tingnan natin kung bibigyan ako ng Diyos ng sakit sa tiyan o hindi.” Kaya’t kinakain nila ito, at sumasakit nga ang kanilang tiyan. Iniisip nila, “Bakit hindi ako prinotektahan ng Diyos? Sumasakit ang tiyan ng ibang tao dahil dito, pero dahil iyon sa hindi sila nananampalataya sa Diyos. Nananampalataya ako sa Diyos; bakit sumakit ang tiyan ko katulad ng sa iba?” Anong uri ng pag-uugali ito? (Pagsubok.) Resulta ito ng hindi nila nakikilala ang Diyos. Pero sa mga anticristo, mayroon pang karagdagan: Hindi talaga nila kinikilala ang pag-iral ng diwa ng Diyos, kaya ginagawa nila ang mga bagay sa kanilang mga sariling pagsisikap at kanilang sariling mga imahinasyon, at hindi nila ginagawa ang mga ito sa pamamagitan ng pananampalataya. Sa halip, sinusubukan nila ang Diyos. Ginagamit nila ang kanilang pag-uugali at ang kanilang mga panandaliang kaisipan at pag-uudyok para imbestigahan kung umiiral ba ang Diyos, at kung tunay ba ang Kanyang pagkamakapangyarihan-sa-lahat, at kung talaga bang kaya Niya silang protektahan. Kung magtatagumpay ang kanilang eksperimento, magpapatuloy ang kanilang pananalig batay roon; kung mabibigo ito, kung madidismaya sila sa Diyos, ano ang gagawin nila? Sasabihin nila, “Hindi na ako maniniwala sa diyos. Para bang hindi siya nagmamalasakit sa mga tao. Sinasabi ng lahat na kanlungan ng tao ang diyos—ayon sa nakikita ko, hindi naman ganoon ang nangyayari. Sa mga salitang ito, kailangang gumawa ang mga tao ng mga backup na plano para sa kanilang sarili sa hinaharap; hindi sila puwedeng maging ganoon kahangal sa mga bagay. Kailangang lutasin ng mga tao ang kanilang mga usapin nang sila lang—hindi sila puwedeng umasa sa diyos sa lahat ng bagay.” Iyon ang resultang nalaman nila sa kanilang pagsubok. Ano ang masasabi mo sa resultang ito? Ito ba ang magiging resulta para sa mga tao kung hinahangad nila ang katotohanan? (Hindi.) Bakit hindi? Kung hinahangad ng mga tao ang katotohanan, sa huli, makakamtan nila ang mabuti, positibong tagumpay at gantimpala. Ibig sabihin, anumang mga bagay na ginagawa ng mga tao, may mga paraan at prinsipyo ang Diyos kung paano Siya kumikilos bilang tugon at kung paano Niya itinuturing ang mga bagay na ito, at may mga obligasyon ang mga tao na dapat gampanan at may sarili nilang mga likas na gawi. Ibinibigay ng Diyos ang kanilang mga likas na gawi sa kanila; ibinigay na Niya ang mga prinsipyo sa kanila, kaya dapat kumilos ang mga tao ayon sa mga prinsipyo sa ilalim ng gabay ng mga salita ng Diyos. Sa ilang bagay, sa panlabas, para bang dapat protektahan ng Diyos ang tao, pero “dapat” bang nagmumula iyon sa tao o sa Diyos? (Sa tao.) Ito ay kathang-isip sa isipan ng tao. Hindi ang katotohanan ang “dapat” na iyon; hindi ito responsabilidad ng Diyos. Kaya, ano na mismo ang gagawin ng Diyos? May mga paraan ang Diyos sa Kanyang pagkilos, at may mga prinsipyo Siya. Minsan, sa hindi pagprotekta sa iyo, ibinubunyag ka Niya, tinitingnan kung anong landas ang pipiliin mo. Minsan, sa pamamagitan ng isang mapanganib na kapaligiran, pineperpekto ka Niya sa kaalaman mo sa ilang larangan, hinahayaan kang makamit ang isang aspekto ng katotohanan at magbago sa ilang aspekto. Pinalalakas ka Niya at pinalalago ka. Sa madaling salita, paano man kumilos ang Diyos, may mga prinsipyo at mga dahilan Siya pati na rin mga mithiin at mga layunin. Kung itinuturing mo bilang katotohanan ang ideya na “dapat protektahan ako ng Diyos, at dapat Siyang kumilos sa ganitong paraan,” at itinataguyod iyon bilang gayon, kung humihingi ka sa Diyos gamit ito, kung gayon, kapag hindi kumilos ang Diyos sa paraang iyon, magkakaroon ng hidwaan sa pagitan mo at ng Diyos. Kapag lumitaw ang hidwaang ito, hindi ito kasalanan ng Diyos. Sino ang may kasalanan? (Ang tao.) Nagsisimula ito sa problema sa mga pananaw ng mga tao, sa pagkakaroon nila ng maling paninindigan, ng maling posisyon. Kapag hinihiling mong kumilos ang Diyos sa isang partikular na paraan, pakiramdam mo ay may katwiran ka. Ngunit kung magtitimpi ka, kung magpapasakop ka at tatanggap, mararamdaman mo na walang batayan ang iyong mga katwiran, at mga tiwaling disposisyon at hindi makatwirang mga hinihingi mo ang mga ito. Kapag kaya mo nang tumanggap, ipagkakaloob sa iyo ng Diyos ang sukat ng katotohanan at kaalaman na dapat mong matamo. Sa Kanyang pananaw, iyon ang elemento ng katotohanan na pinakakailangan mong matamo, hindi ilang walang halagang biyaya o pagpapala. Ang Diyos lang ang nakakaalam kung ano ang pinakamahalaga para sa iyo, at ipagkakaloob Niya ito sa iyo sa tamang oras at sa tamang sukat. Sa kabilang banda, hindi kinikilala ng mga anticristo ang katotohanan o ang gawain ng Banal na Espiritu. Sinuman ang magbahagi tungkol sa katotohanan at magpatotoo sa pagmamahal at pagliligtas ng Diyos, hindi lamang ito tatanggihan ng isang anticristo, masusuklam at tututol pa siya rito. Ito ang pagkakaiba sa pagitan ng mga anticristo at ng mga karaniwang tiwaling tao.

Tatapusin na natin ang ating pagbabahaginan dito tungkol sa katangian ng mga anticristo ng pagtanggi sa pagkakakilanlan ng Diyos at sa Kanyang diwa ng pagiging natatangi. May mga tanong pa ba kayo? (O Diyos, may tanong ako. Nakakasalamuha ko ang maraming mananampalataya ng Panginoon kapag nangangaral ako ng ebanghelyo, at masyadong mahigpit sa paghawak nila sa pananaw ni Pablo na nagsasabing, “Sa akin ang mabuhay ay si cristo.” Iniisip nila na kung maaabot nila ang pamantayan ng mga salita ni Pablo, puwede silang maging diyos. Isa pa ba itong pagpapamalas ng mga anticristo, at pagtanggi rin sa diwa ng pagiging natatangi ng diyos?) Oo, maaaring sabihing ganoon nga. Itinatatwa ng mga anticristo ang pagiging natatangi ng Diyos dahil gusto nilang maging diyos. Ang mga salita ni Pablo ang kanilang partikular na paborito: “Para sa akin, ang mabuhay ay si cristo, ang mabuhay ay diyos, sa buhay ng diyos ako ay diyos.” Naniniwala sila na, kung totoo ang pananaw na ito, may pag-asa silang maging diyos, mamuno bilang hari, at makontrol ang mga tao; kung hindi, maglalaho ang pag-asa nilang mamuno bilang hari at maging diyos. Sa madaling salita, laging gusto ni Satanas na maging kapantay ng Diyos—at gayon din ang mga anticristo: Taglay rin nila ang kakanyahang ito. Halimbawa, sa mga tao na sumusunod sa Diyos, may mga tao na palaging pumupuri sa Diyos at nagpapatotoo sa Kanya, nagpapatotoo sa Kanyang gawain at sa epekto ng paghatol at pagkastigo ng Kanyang mga salita sa tao. Pinupuri nila ang lahat ng gawaing ginagawa ng Diyos para iligtas ang tao, at pinupuri din nila ang sakripisyong ginawa ng Diyos. Nais din bang matamasa ng mga anticristo ang lahat ng ito, o hindi? Nais nilang magtamasa ng suporta, pambobola, pagdakila—maging ng papuri ng mga tao. At anong iba pang nakahihiyang mga ideya ang naiisip nila? Nais nila na maniwala sa kanila ang mga tao, na umasa sa kanila sa lahat ng bagay; ayos lang na umasa rin ang mga tao sa Diyos—ngunit kung, kasabay ng pag-asa nila sa Diyos, mas makatotohanan at sinsero ang umasa sila sa mga anticristo, masisiyahan nang husto ang mga anticristo. Kung, kasabay ng pagpuri mo sa Diyos at pagbibilang ng mga biyayang naibigay ng Diyos sa iyo, sinuma mo rin ang lahat ng karampatang tagumpay ng mga anticristo, at kinantahan ninyo sila ng iyong mga kapatid ng mga papuri, ibinabalita sa buong paligid ang lahat ng ginagawa nila, malulugod sila nang husto sa kanilang puso at makukuntento. Kaya mula sa pananaw ng kalikasang diwa ng mga anticristo, kapag sinabi mo na ang Diyos ay nagtataglay ng awtoridad, na Siya ay matuwid, at na kaya Niyong iligtas ang mga tao, kapag sinabi mo na ang Diyos lamang ang may gayong kakanyahan, na ang Diyos lamang ang makakagawa ng ganitong klaseng gawain, at walang maaaring humalili sa Kanya o kumatawan sa Kanya sa paggawa ng mga bagay na ito, ni walang maaaring magtaglay ng kakanyahang ito at gumawa ng mga bagay na ito: kapag sinabi mo ito, hindi tinatanggap ng mga anticristo, sa puso nila, ang mga salitang ito, at ayaw nilang kilalanin ang mga ito. Bakit ayaw nilang tanggapin ang mga ito? Dahil mayroon silang mga ambisyon—isang panig iyon ng isyu. Ang kabilang panig ay na hindi sila naniniwala, ni hindi nila kinikilalang Diyos, ang laman na nagkatawang-tao. Tuwing may nagsasabi na ang Diyos ay natatangi, na Diyos lamang ang matuwid, gumagawa sila ng eksepsyon sa puso nila at lihim na tinututulan ito, na sinasabing: “Mali—matuwid din ako!” Kapag sinabi mo na ang Diyos lamang ang banal, sasabihin nilang: “Mali—banal din ako!” Isang halimbawa nito si Pablo: Nang ipalaganap ng mga tao ang salita ng Panginoong Jesucristo, sinasabi na ibinigay ng Panginoong Jesucristo ang Kanyang mahalagang dugo para sa sangkatauhan, na nagsilbi Siyang isang handog para sa kasalanan, at iniligtas Niya ang buong sangkatauhan, at tinubos Niya ang buong sangkatauhan mula sa kasalanan—ano ang nadama ni Pablo nang marinig niya ito? Kinilala ba niya na lahat ng ito ay gawain ng Diyos? Kinilala ba niya na Siya na nakayang gawin ang lahat ng ito ay si Cristo, at na si Cristo lamang ang maaaring gumawa ng lahat ng ito? At kinilala ba niya na tanging Siya na nakayang gawin ang lahat ng ito ang maaaring kumatawan sa Diyos? Hindi. Sabi niya: “Kung maaaring ipako sa krus si Jesus, maaari ding ipako sa krus ang mga tao! Kung kaya niyang ibigay ang kanyang mahalagang dugo, kaya rin iyon ng mga tao! Dagdag pa ito sa, kaya ko ring mangaral, at mas matalino ako kaysa sa kanya, at kaya kong magtiis ng pagdurusa! Kung sinasabi mo na siya ang cristo, hindi ba’t dapat din akong tawaging cristo? Kung ipinapalaganap mo ang kanyang banal na pangalan, hindi ba’t dapat mo ring ipalaganap ang pangalan ko? Kung akma siyang tawaging cristo, kung maaari siyang kumatawan sa diyos, at kung siya ang anak ng diyos, hindi ba’t tayo rin? Tayo na nagagawang magdusa at magsakripisyo, at nakakayang magpakahirap at gumawa para sa diyos—hindi ba’t maaari din tayong matawag na cristo? Paano nga ba naiiba ang masang-ayunan ng diyos at ang matawag na cristo sa pagiging cristo mismo?” Sa madaling salita, nabigo ang mga anticristo na maarok ang aspekto ng diwa ng Diyos na Kanyang pagiging natatangi, at hindi nila nauunawaan kung ano talaga ang kahulugan ng pagiging natatangi ng Diyos. Naniniwala sila na, “Ang pagiging cristo o pagiging diyos ay isang bagay na pinagsusumikapan batay sa kagalingan ng kasanayan at kakayahan, katulad ng pagkamit ng kapangyarihan sa pamamagitan ng pakikipaglaban. Hindi ka matatawag na cristo sa pamamagitan ng pagkakaroon ng diwa ng diyos. Ang pagiging cristo ay ang pinagsumikapang resulta ng kasanayan mismo ng isang tao; katulad lang ito ng kung paano ang mga bagay-bagay sa mundo—kung sino ang mas may kasanayan at mas may kakayahan ay siya ang puwedeng maging isang mataas na opisyal at maaaring magkaroon ng huling pasya.” Ito ang katwiran nila. Hindi kinikilala ng mga anticristo ang salita ng Diyos bilang katotohanan. Hindi nila maintindihan ang kakanyahan at disposisyon ng Diyos na binabanggit sa mga salita ng Diyos; sila ay mga karaniwang tao at tagalabas, wala silang kaalam-alam, kaya ang kanilang pananalita ay binubuo lamang ng mga salita ng mga tagalabas, mga salitang walang espirituwal na pagkaunawa. Kung nakagawa na sila nang ilang taon, at iniisip nila na kaya nilang magdusa at magbayad ng halaga, na kaya nilang pahangain ang iba habang nangangaral ng mga doktrina, na natuto na silang maging ipokrito at kaya nilang ilihis ang iba, at natamo na nila ang papuri ng ilan—pagkatapos ay naniniwala sila, tulad ng inaasahan, na kaya nila na maging cristo at maging diyos.

May mga tanong pa ba kayo? (O Diyos, puwede Ka po bang magbahagi sa amin tungkol sa kung ano ang kahulugan ng pagsubok sa Diyos? Sa anong mga paraan napapamalas ang pagsubok ng mga tao sa Diyos?) Ang pagsubok sa Diyos ay kapag hindi alam ng mga tao kung paano kumikilos ang Diyos, at kapag hindi Siya nila kilala o nauunawaan, kaya madalas silang humingi ng hindi makatwiran sa Kanya. Halimbawa, kapag may sakit ang isang tao, maaaring ipanalangin nila na pagalingin siya ng Diyos. “Hindi ako magpapagamot—tingnan natin kung papagalingin ako ng Diyos o hindi.” At kaya naman, pagkatapos ng maraming panalangin nang walang aksyon mula sa Diyos, sasabihin niya, “Dahil walang ginawa ang Diyos, maggagamot ako at tingnan natin kung hahadlangan Niya ako. Kung bumara ang gamot sa aking lalamunan, o kung matapon ko ang tubig, maaaring paraan ito ng Diyos para hadlangan ako sa pag-inom nitong gamot.” Iyon ang pagsubok. O halimbawa, sinabihan kang magpalaganap ng ebanghelyo. Sa normal na mga sitwasyon, nagdedesisyon ang lahat sa pamamagitan ng pagbabahaginan at deliberasyon kung ano ang kailangan sa mga tungkulin mo at kung ano ang dapat mong gawin, at pagkatapos, kikilos ka kapag oras na. Kung mayroong mangyayari habang kumikilos ka, kataas-taasang kapangyarihan iyon ng Diyos—kung hahadlangan ka ng Diyos, gagawin Niya ito nang maagap. Gayumpaman, sabihin nating na binibigkas mo sa iyong panalangin, “O Diyos, lalabas ako ngayon para ipalaganap ang ebanghelyo. Naaayon ba sa layunin Mo na lumabas ako? Hindi ko alam kung matatanggap ba ito ng potensyal na tatanggap ng ebanghelyo ngayon o hindi, o kung paano Mo mismo paghaharian ito. Hinihiling ko ang Iyong mga pagsasaayos, ang Iyong paggabay, ipakita Mo sa akin ang mga bagay na ito.” Pagkatapos manalangin, nakaupo ka lang doon, nang hindi gumagalaw, at sasabihin mo, “Bakit walang sinasabi ang Diyos tungkol doon? Siguro ay dahil hindi sapat ang pagbabasa ko sa Kanyang mga salita, kaya hindi Niya maipakita sa akin ang mga bagay na iyon. Kung gayon, lalabas na ako kaagad. Kung madadapa ako roon, maaaring iyon ang pagpigil sa akin ng Diyos na pumunta roon, at kung magiging maayos ang lahat at hindi ako hahadlangan ng Diyos, maaaring iyon ang pagpayag ng Diyos na umalis ako.” Iyon ay isang pagsubok. Bakit natin iyon tinatawag na isang pagsubok? Praktikal ang gawain ng Diyos; ayos lang na gampanan lamang ng mga tao ang mga tungkulin nila, mag-ayos ng kanilang pang-araw-araw na pamumuhay, at ipamuhay ang kanilang mga buhay ng normal na pagkatao sa paraan na naaayon sa mga prinsipyo. Hindi na kailangan pang subukan kung paano kikilos ang Diyos o kung anong gabay ang Kanyang ibibigay. Alalahanin mo lamang kung ano ang dapat mong gawin; huwag laging magkaroon ng mga karagdagang kaisipan tulad ng, “Pinapayagan ba ako ng Diyos na gawin ito, o hindi? Kung gagawin ko ito, paano ako pangangasiwaan ng Diyos? Tama ba na gawin ko ito sa ganitong paraan?” Kung malinaw namang tama ang isang bagay, kung gayon, ang alalahanin mo lamang ay ang paggawa nito; huwag ka nang mag-isip ng kung anu-ano. Ayos lang na magdasal, siyempre, na manalangin para sa paggabay ng Diyos, na gagabayahan Niya ang iyong buhay sa araw na ito, na gagabayahan Niya ang tungkuling gagampanan mo ngayong araw. Sapat nang mayroong puso at saloobin ng pagpapasakop ang isang tao. Halimbawa, alam mo na kung hahawakan mo ang kuryente, makukuryente ka, at maaari kang mamatay. Gayumpaman, pinag-iisipan mo ito: “Hindi ako dapat mag-alala, pinoprotektahan ako ng Diyos. Kailangan ko lang subukan ito, para tingnan kung poprotektahan ako ng Diyos, at para maramdaman ko kung paano ba ang proteksyon ng Diyos.” Pagkatapos ay hahawakan mo ang kuryente, at bilang resulta, makukuryente ka—iyon ay isang pagsubok. Malinaw na mali ang ilang bagay at hindi dapat gawin. Kung gagawin mo pa rin ang mga ito, para makita kung ano ang magiging reaksyon ng Diyos, isang pagsubok iyon. Sinasabi ng ilang tao, “Ayaw ng Diyos kapag nagpapabongga at naglalagay ng makapal na kolorete sa mukha ang mga tao. Gagawin ko iyon at titingnan ko kung ano ang pakiramdam ng sinasaway ako ng Diyos sa loob ko.” Kaya, pagkatapos nilang maglagay ng kolorete, tumitingin sila sa salamin: “Ano ba yan, mukha akong multo, pero nararamdaman ko lang na medyo nakakasuklam ito at hindi ko kayang tumingin sa salamin. Wala na akong iba pang nararamdaman bukod doon—hindi ko nararamdaman ang pagkasuklam ng Diyos, at hindi ko nararamdaman ang pagdating ng Kanyang mga salita, para parusahan ako at hatulan ako.” Anong uri ng pag-uugali ito? (Pagsubok.) Kung pabaya ka minsan sa iyong tungkulin, at alam na alam mo ito, sapat nang magsisi at magbago ka. Pero palagi kang nananalangin, “O Diyos, naging pabaya ako—hinihiling kong disiplinahin Mo ako!” Ano ang silbi ng iyong konsensiya? Kung may konsensiya ka, dapat mong panagutan ang sarili mong pag-uugali. Dapat mo itong kontrolin. Huwag kang manalangin sa Diyos—magiging isang pagsubok ang panalangin na iyon. Ang gawing biro, gawing pagsubok ang isang napakaseryosong bagay, ay isang bagay na kinasusuklaman ng Diyos. Kapag nananalangin sa Diyos ang mga tao at hinahanap Siya kapag may hinaharap na isyu, at pati na rin sa ilan sa kanilang mga saloobin, hinihingi, at mga paraan ng paggawa ng mga bagay sa kanilang pagtrato sa Diyos, madalas na lilitaw ang ilang pagsubok. Ano ang pangunahing nilalaman ng mga pagsubok na ito? Ito ay iyong gusto mong makita kung paano kikilos ang Diyos, o gusto mong makita kung kaya o hindi kaya ng Diyos na gawin ang isang bagay. Gusto mong subukan ang Diyos; gusto mong gamitin ang bagay na ito para patunayan kung ano ang Diyos, para patunayan kung alin sa mga salitang sinabi ng Diyos ang tama at tumpak, kung alin ang puwedeng magkatotoo, at kung alin ang kaya Niyang isakatuparan. Pagsubok ang lahat ng ito. Regular bang lumilitaw sa inyo ang mga paraang ito ng paggawa ng mga bagay? Sabihin nating may isang bagay na hindi mo alam kung tama ba ang ginawa mo, o kung naaayon ba ito sa mga katotohanang prinsipyo. Dito, mayroong dalawang paraan na puwedeng makumpirma kung pagsubok ba ang iyong ginawa sa usaping ito, o kung positibo ba ito. Ang isang paraan ay ang magkaroon ng pusong mapagpakumbaba at naghahanap sa katotohanan, na nagsasabing, “Ganito ko pinangasiwaan at tiningnan ang bagay na ito na nangyari sa akin, at kung kumusta na ito ngayon, bilang resulta ng aking pangangasiwa rito sa ganoong paraan. Hindi ko matukoy kung ito ba talaga ang dapat kong ginawa.” Ano ang palagay mo sa saloobing ito? Isa itong saloobin ng paghahanap sa katotohanan—walang pagsubok dito. Ipagpalagay na sinasabi mo, “Magkakasamang nagpapasya ang lahat sa bagay na ito, pagkatapos ng pagbabahaginan.” May nagtanong, “Sino ang namamahala rito? Sino ang pangunahing nagpapasya?” At sasabihin mo: “Ang lahat.” Ganito ang layunin mo: “Kung sasabihin nilang pinangasiwaan ang bagay na ito nang alinsunod sa mga prinsipyo, sasabihin kong ako ang gumawa nito. Kung sasabihin nilang hindi ito pinangasiwaan nang alinsunod sa mga prinsipyo, uumpisahan kong itago kung sino ang gumawa nito at kung sino ang nagdesisyon. Sa ganitong paraan, kahit na ipilit nilang ibaling ang sisi, hindi nila ito ibabaling sa akin, at kung may madudungisan, hindi lang ako mag-isa.” Kung magsalita ka nang may ganoong uri ng layunin, iyon ay isang pagsubok. Maaaring may magsabi, “Kinasusuklaman ng Diyos kapag sumusunod ang tao sa mga makamundong bagay. Kinasusuklaman Niya ang mga bagay tulad ng mga araw ng paggunita at mga kapistahan ng sangkatauhan.” Ngayong alam mo na ito, puwede mo na lang gawin ang iyong makakaya para iwasan ang mga gayong bagay, hangga’t maaari. Gayumpaman, sabihin nating sinasadya mong sumunod sa mga makamundong bagay habang ginagawa ang mga bagay sa isang kapistahan, at habang ginagawa mo ang mga ito, ganito ang layuning kinikimkim mo: “Tinitingnan ko lang kung didisiplinahin ba ako ng Diyos sa paggawa nito, kung bibigyang-pansin ba Niya ako. Tinitingnan ko lang kung ano ang tunay na saloobin Niya sa akin, kung gaano kalalim ang Kanyang pagkasuklam. Sinasabi nilang kinasusuklaman ito ng Diyos, sinasabi nilang Siya ay banal at kinapopootan ang kasamaan, kaya titingnan ko kung paano Niya kinapopootan ang kasamaan at kung paano Niya ako didisiplinahin. Kung, kapag ginagawa ko ang mga bagay na ito, ako ay magsusuka, mahihilo nang husto, hindi makakabangon mula sa kama, kung gayon ay tila kinasusuklaman talaga ng Diyos ang mga bagay na ito. Hindi lang Siya magsasalita—ang mga katunayan ang magpapatunay.” Kung palagi kang umaasa na makakita ng gayong eksena, anong uri ng pag-uugali at mga intensiyon ang mayroon ka? Nanunubok ka. Hindi dapat kailanman subukin ng tao ang Diyos. Kapag sinusubok mo ang Diyos, nagtatago Siya sa iyo, itinatago Niya ang Kanyang mukha sa iyo, at walang silbi ang mga panalangin mo. Maaaring magtanong ang ilan, “Hindi ba ito gagana kahit na taos-puso ako?” Oo, kahit na taos-puso ka. Hindi hinahayaan ng Diyos ang mga tao na subukin Siya; kinapopootan Niya ang kasamaan. Kapag tinutulutan mong pumasok ang masasamang ideya at pag-iisip na ito, pagtataguan ka ng Diyos. Hindi ka na Niya bibigyang-liwanag, kundi isasantabi ka, at magpapatuloy ka sa paggawa ng mga hangal, nakakagambala at nakakagulong bagay hanggang sa makita mo kung sino ka talaga. Ito ang kahihinatnan ng pagsubok ng mga tao sa Diyos.

(O Diyos, may tanong ako. Ako ang nangangasiwa ng mga kagamitan sa iglesia. Palaging mapagwalang-bahala at hindi seryoso ang saloobin ko sa tungkuling ito. Tinukoy ng mga kapatid ang aking mga pagkakamali at pinungusan nila ako, at nagbahagi sila sa akin tungkol sa halimbawa na minsang ibinigay ng Diyos tungkol sa isang tao na lihim na uminom ng gamot para sa ubo: hindi siya dinisiplina o pinagsabihan ng Diyos, pero itiniwalag siya matapos niya itong inumin. Hindi nagpapatawad ng mga kasalanan ng tao ang disposisyon ng Diyos—alam ko ang mga salitang iyon, pero mayroon akong pananaw na maawain at mapagmahal ang Diyos, na hindi Niya ako siguro tatratuhin ng katulad ng ginawa Niya sa taong iyon. Kaya, hindi ako natakot. Batay sa pagbabahagi ng Diyos ngayong araw, pakiramdam ko ay mayroon akong saloobin ng pagdududa sa Kanyang matuwid na disposisyon, at pag-uugali ng mga anticristo: ang pagsubok sa Diyos, hindi kailanman natatakot sa Kanya.) Ang saloobin ng Diyos sa isang tao ay hindi batay sa kung natatakot ba ang taong iyon sa Kanya, ni hindi ito batay sa kung anumang pansamantalang saloobing maaaring mayroon ang taong iyon sa isang partikular na usapin. Hindi itinuturing ng Diyos na mga seryosong problema ang masasamang gawi at iresponsableng pamamaraan na maaaring ipakita at ibunyag ng isang tao sa mga mababaw na usapin ng buhay. Sapat nang magawa mo lang ilaan ang iyong sarili sa iyong pangunahing tungkulin at akuin ang responsabilidad para dito. Kung pakiramdam mong hindi mo kailanman kayang tanggapin ang responsabilidad sa pamamahala ng kagamitan, at hindi mo mailaan ang iyong buong lakas para gawin ito nang mabuti, ano ang ipinapakita niyon? Sa isang bahagi, ipinapakita nito na hindi ka magaling sa pamamahala; bukod doon, ipinapakita nito na hindi ka angkop sa naturang trabaho. Kung pakiramdam mo ay maaaring magdulot ng sakuna balang araw ang pananatili mo sa trabahong iyon, mas makakabuti sa iyo na magrekomenda ka ng ibang tao para dito; hayaan ang isang tao sa iglesia na angkop para sa gawain na pumalit sa iyo, pagkatapos ay gawin mo ang trabaho kung saan ka mahusay at na may interes ka, at maging tapat ka sa paggawa ng tungkuling iyon. Bukod dito, kung talagang minamahal ng isang tao ang katotohanan at talagang ninanais niyang matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan, at mamuhay nang may dignidad, at hindi kasuklaman ng iba, kundi igalang ng mga ito, dapat siyang maging determinadong gawin nang maayos ang lahat ng bagay. At habang ginagawa niya ito, dapat siyang magkaroon ng kagustuhan sa harap ng Diyos na sabihin: O Diyos, pakiusap, disiplinahin Mo ako kung hindi mahusay ang paggampan ko—pakiusap, gawin Mo ang iyong gawain. Mahina sa pamamahala ng iba ang mga tao; sa pinakamainam, maaari nilang turuan ang isang tao na magkaroon ng talento sa iisang larangan. Pero pagdating sa landas na tinatahak ng isang tao, sa kanyang mga pananaw sa buhay, sa mga layon na pinipili niya sa buhay, at kung anong uri ng tao ang pipiliin niyang maging, walang makakatulong sa kanya. Ang mga salita ng Diyos at ang Diyos lang ang makakapagbago sa mga tao. Paano ito natutupad? Na ang mga tao mismo ay walang magawa—kailangan nilang ipaubaya sa Diyos ang mga bagay-bagay. Kaya, anong mga pamantayan ang kailangang matugunan ng isang tao para hayaang gumawa ang Diyos, bago maging handang kumilos ang Diyos? Kailangan muna niyang magkaroon ng gayong kagustuhan at mithiin, na nagsasabi, “Alam kong hindi ko kailanman nagawa nang maayos ang gawaing ito. Hindi nasiyahan ang mga kapatid—ako mismo ay hindi nasiyahan—pero gusto ko itong magawa nang maayos. Ano ang gagawin ko? Lalapit ako sa Diyos sa panalangin at hahayaan ko Siyang gumawa sa akin.” Kung pakikilusin mo ang Diyos sa iyo, dapat mo munang magawang magdusa—kapag dinidisiplina ka ng Diyos, kapag sinasaway ka Niya, kailangang magawa mo itong matanggap. Ang pagiging masunurin at handang tumanggap sa puso ay ang simula ng paggawa nang maayos sa anumang bagay. Patas na sabihing magkakaroon ng pagdududa ang lahat tungkol sa katuwiran at pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos bago sila tuluyang maligtas. Ang kaibahan ay na kayang gawin nang mga ordinaryong, tiwaling tao ang kanilang tungkulin, at hangarin ang katotohanan, at unti-unting makilala ang Diyos, sa kabila ng kanilang mga pagdududa; aktibo at positibo ang subhetibo nilang mithiin. Ang mga anticristo ay ang lubos na kabaligtaran: Ang mga subhetibo nilang mithiin ay hindi handang tumanggap at hindi masunurin, at hindi nila minimithi ang karunungan; sa halip, mapanlaban sila. Hindi sila handang tumanggap. Ano ang mabuti sa mga ordinaryong, tiwaling tao, kung gayon? Sa kaibuturan ng kanilang puso, tinatanggap at minamahal nila ang mga positibong bagay—kaya lang, dahil sa kanilang tiwaling disposisyon, may mga pagkakataong hindi nila mapigilan ang kanilang sarili, kung kailan hindi sila nakakagawa nang maayos, at ang mga bagay ay higit sa kanilang limitasyon, lagpas sa kanilang kakayahan, at kaya madalas silang negatibo at mahina ang loob, nararamdamang ayaw sa kanila ng Diyos, na kinasusuklaman sila ng Diyos. Mabuting pakiramdam ba iyon? Mabuting pakiramdam iyon—ibig sabihin nito ay may pagkakataon kang maligtas, at isa itong tanda na puwede kang maligtas. Kung ni hindi mo nararamdaman iyon, medyo maliit ang iyong pag-asa na makamit ang katotohanan at maligtas. Ang mismong pagkakaroon ng gayong pakiramdam ang nagpapakita na mayroon ka pang konsensiya, at dignidad, at integridad—na mayroon ka pa ring pagkamakatwiran. Kung ni wala ka ng mga bagay na ito, isa ka talagang anticristo, isang hindi mananampalataya. Sa kasalukuyan, mayroon ka lamang ilang pag-uugali ng isang hindi mananampalataya, kaunti ng ibinubunyag nila, kaunti ng disposisyon nila, pero hindi ka isang hindi mananampalataya. Sa tingin ng Diyos, nananampalataya ka sa Kanya, at tagasunod ka Niya, bagaman may mga nananatiling problema at kakulangan sa iyo sa landas ng pananampalataya sa Kanya, at sa iyong paghahangad, at sa iyong mga pananaw, at sa bawat aspekto ng iyong personal na buhay. Kung gayon, paano malulutas ang mga problemang ito? Madali lang iyan. Hangga’t natutugunan mo ang mga pangunahing hinihingi ng pagkakaroon ng konsensiya at katwiran, ng paghahangad sa katotohanan, at pagmamahal sa mga positibong bagay, malulutas ang lahat ng problemang ito—sa takdang panahon. Hangga’t kaya mong tanggapin ang katotohanan at ang pagkastigo at pagdidisiplina na nagmumula sa Diyos, nalampasan mo na ang unang balakid. Ang pangalawang balakid ay na kailangan, sa parte mo, na matuto kang lutasin ang iyong tiwaling disposisyon, at ang iba’t ibang kalagayan na lumilitaw sa iyo habang ang bawat bagay ay nangyayari sa iyo, at matuto kang lutasin ang mga problema gamit ang mga salita ng Diyos, habang binabasa mo ang mga salita ng Diyos, at nakikinig ka sa mga pagbabahaginan, at sa mga patotoo ng mga kapatid batay sa karanasan. Ito ay na kailangan mong magawang lumapit sa Kanya nang madalas, sinasabi sa Kanya ang iyong mga sitwasyon at kalagayan, pati na rin ang mga problemang kinakaharap mo, ipinagtatapat ang mga ito sa Kanya, at taos-pusong tinatanggap ang Kanyang pagpupungos, ang Kanyang pagdidisiplina at pagkastigo, at maging ang Kanyang pagbubunyag sa iyo at ang saloobin Niya sa iyo—kailangang manatiling bukas ang iyong puso sa Kanya, hindi sarado. Basta’t nananatiling bukas ang iyong puso, maaaring maging kapaki-pakinabang ang iyong konsensiya at katwiran, at makakapasok ang katotohanan sa iyo at magdudulot ng pagbabago sa iyo. Maaaring malutas kung gayon ang lahat ng problemang ito. Hindi imposibleng malutas ang mga ito; wala sa mga ito ang malaking problema. Karaniwan para sa mga tao na maging pabaya sa paggawa ng kanilang tungkulin. Ito ang pinakakaraniwang kondisyon na matatagpuan sa lahat ng tiwaling sangkatauhan. Ang isang kondisyon ay ang pagiging puno ng kasinungalingan, ang isa pa ay ang pagiging tamad, pagiging pabasta-basta, at pagiging iresponsable sa lahat ng bagay, pagiging nasa kalagayan na iniraraos lang ang mga bagay-bagay, nasa kondisyon na naguguluhan—karaniwan ito sa lahat ng tiwaling sangkatauhan. Mas hindi gaanong malubha ang mga ito kaysa sa paglaban ng tao sa Diyos at pagtanggi sa katotohanan. Ni hindi nga ito ang tinitingnan ng Diyos sa tao. Kung susukatin ng Diyos ang mga tao nang saktong-sakto, at kung may nasabi silang isang maling bagay, aayawan Niya sila; kung minsan silang nakagawa ng maliit na pagkakamali, aayawan Niya sila; kung mapusok sa kabataan ang mga tao at gumawa sila ng mga bagay nang padalus-dalos, aayawan Niya sila, at sila kung gayon ang mga taong Kanyang aabandonahin at ititiwalag. Kung ganoon ang mga bagay-bagay, walang ni isang tao ang maliligtas. Sasabihin ng ilan, “Hindi ba’t sinabi Mong kinokondena ng Diyos ang mga tao at pinagpapasyahan Niya ang kanilang mga kalalabasan batay sa kanilang pag-uugali?” Iba pang usapin iyan. Sa landas ng paghahangad sa katotohanan ng mga tao para makamit ang pagbabago sa disposisyon at kaligtasan, ang gayong mga kalagayan ng pag-iral sa tao, gaya ng nakikita ng Diyos sa kanila, ang mga pinakakaraniwang bagay sa lahat, kasing-ordinaryo at kasing-karaniwan ng maaari. Ni hindi tinitingnan ng Diyos ang mga ito. Ano ang tinitingnan Niya? Tinitingnan Niya kung may positibo kang paghahangad, at kung ano ang iyong saloobin sa katotohanan at mga positibong bagay, at sa paghahangad sa pagbabago ng disposisyon. Tinitingnan Niya kung mayroon kang gayong pagnanais, kung nagsusumikap ka. Kapag nakikita ng Diyos na mayroon ka ng mga ito, na inuusig ka ng iyong konsensiya kapag nagkakamali ka, na alam mo kung paano kamuhian ito, na alam mong lumapit sa Diyos sa panalangin, at na mangumpisal sa Kanya at magsisi, kung gayon ay sasabihin Niya na mayroon kang pag-asa, na hindi ka ititiwalag. Iniisip mo ba na ang matuwid na disposisyon ng Diyos, ang Kanyang awa at pagmamahal, ay pawang mga hungkag na parirala lamang? Dahil mismo na mayroon Siya ng gayong diwa na ang Diyos ay may saloobin sa bawat uri ng tao, at sobrang praktikal ng mga saloobing ito—hindi talaga hungkag ang mga ito.

Ang talakayang ito tungkol sa diwa ng mga anticristo na matagal na nating pinag-uusapan ngayon ay dapat na marinig ng lahat, sa isang bahagi, ito ay para maunawaan at makilatis nila ang mga anticristo, at matukoy kung sino ang mga ito, at tanggihan ang mga ito; ito rin ay para ipaalam sa lahat na ang bawat isa ay may disposisyon ng isang anticristo, tulad lamang ng mga anticristo, pero tanging ang tunay na mga anticristo ang dapat na itiwalag at abandonahin, samantalang ang mga ordinaryong tao na may disposisyon ng isang anticristo ang mga ililigtas ng Diyos, hindi ang mga ititiwalag Niya. Hindi tungkol sa pagkondena sa mga tao ang pakikipagbahaginan sa mga tao tungkol sa diwa ng mga anticristo at bawat aspekto ng disposisyon ng mga ito—tungkol ito sa pagliligtas sa mga tao, pagbibigay sa kanila ng landas, pagpapakita sa kanila nang malinaw kung anong mga tiwaling disposisyon ang talagang mayroon sila, kung ano ang talagang tinutukoy ng Diyos kapag sinasabi Niyang kaaway Niya ang sangkatauhan, at kung bakit Niya ito sinasabi—kung ano mismong mga uri ng tiwaling disposisyon sa tao, at kung anong mga pagbubunyag ng paglaban at pagiging mapaghimagsik ng tao laban sa Diyos, ang nagdudulot sa Kanyang sabihin ito, para gawin ang mga pagkondenang ito. Dahil mismo sa pagnanais ng Diyos na iligtas ang tao, dahil hindi Niya inaabandona ang sangkatauhan, o ang Kanyang mga tagasunod, o ang mga hinirang Niya, kaya’t walang tigil Siyang nagsasalita at gumagawa sa gayong paraan. Ang pagsasalita at pagkilos ng Diyos sa ganitong paraan ay hindi lamang tungkol sa pagpapaunawa sa mga tao kung gaano Siya kaibig-ibig, kung gaano Siya kataimtim at katiyaga sa mga tao, kung gaano na Siya nagsikap. Ano ang silbi ng pag-unawa sa mga bagay na ito? Kapag naunawaan ng mga tao ang mga bagay na ito, mayroon lamang silang kaunting pasasalamat para sa Diyos—pero hindi man lang nalulutas ang kanilang tiwaling disposisyon. Nagsasalita ang Diyos nang may gayong kataimtim na pagtitiyaga para ipakita sa mga tao na nagsikap at naging determinado ang Diyos na iligtas ang mga tao—hindi Siya nagbibiro; gustong iligtas ng Diyos ang sangkatauhan, at determinado Siyang gawin ito. Paano ito dapat tingnan? Walang aspekto ng katotohanan kung saan ang Diyos ay nagsasalita mula sa isang panig o isang anggulo lamang, hindi rin Siya nagsasalita sa isang paraan lamang—sa halip, sinasabi Niya ito sa mga tao mula sa iba’t ibang anggulo, sa iba’t ibang estilo, gamit ang iba’t ibang lengguwahe at sa iba’t ibang antas, para makilala ng mga tao ang kanilang tiwaling disposisyon at ang kanilang sarili, at mula rito ay maunawaan nila ang dapat na maging direksyon ng kanilang paghahangad, at kung anong uri ng landas ang dapat nilang tahakin. Ginagawa Niya ito para talikuran at baguhin ng mga tao ang kanilang sataniko, tiwaling disposisyon, at bitiwan ang mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, mga paraan para manatiling buhay, at mga paraan at estilo ng pamumuhay na ginagamit ni Satanas para gawing tiwali ang mga tao, at sa halip, para mamuhay ang mga tao ayon sa mga paraan, estilo, direksyon, at mithiin na ipinakita at sinabi ng Diyos sa mga tao. Hindi ginagawa ng Diyos ang lahat ng ito para magtiwala ang mga tao sa mga ito, para ipakita sa kanila ang Kanyang masinsin na mabubuting layunin, o kung gaano kahirap gawin ang lahat ng ginagawa Niya. Hindi mo na kailangang malaman iyon. Ituon mo lamang ang pansin mo sa paghahanap kung ano ang dapat mong isagawa sa mga salitang sinasabi ng Diyos, at sa pag-unawa sa katotohanan at mga layunin ng Diyos sa mga ito; pumasok sa katotohanang realidad, mamuhay ayon sa mga katotohanang prinsipyo, at umasal at kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo, at tapusin ang misyong ibinigay ng Diyos, para makamit mo ang kaligtasan. Sa gayong paraan, malulugod ang Diyos, at ganap na maisasakatuparan ang usapin ng kaligtasan ng tao, kaya makikinabang din ang tao. At sa mga panahon na marami pa ring doktrina sa mga sinasabi ng mga tao, kapag masyado silang mababaw sa kanilang mga kilos, kapag palagi silang pabaya, kapag napakatindi ng kanilang kabulukan—lalo na sa mga kabataan, na hindi sanay sumunod sa mga patakaran, na minsan ay nasisiyahan sa pagtulog nang matagal, na may ilang gawi na hindi gaanong makatwiran o hindi nakapagpapatibay sa iba—huwag ipilit ang mga bagay na ito. Dahan-dahanin mo ang mga ito. Hangga’t handa kang hangarin ang katotohanan, at magsumikap sa mga salita ng Diyos, at madalas kang lumapit sa Diyos, habang binubuksan mo ang iyong puso sa Kanya, gagawa Siya. Walang sinuman ang makakapagbago sa iba gamit ang lakas o pamamaraan ng tao, kabilang na ang iyong mga magulang, na hindi ka kayang baguhin.

Ang pagpunta mo ngayon sa sambahayan ng Diyos ay gawa ng Diyos, at na nakakapakinig ka ngayon sa mga sermon dito, nang ligtas at matatag, kahit sa kapanahunang ito, sa gitna ng masasamang kalakaran, at na nagagawa mo ang iyong tungkulin nang walang kinikita maski sentimo—gawa ito ng Diyos. Bakit ito ginagawa ng Diyos? Ano ang gusto ng Diyos sa iyo? Dahil iyon sa may kaunting kang pagpapahalaga sa katarungan, at may konsensiya ka; na tutol ka sa masasamang kalakaran, at gusto mo ang mga positibong bagay; at nasasabik ka sa pagdating ng kaharian ng Diyos, sa paghahari ni Cristo at ng katotohanan. May mga ganito kang adhikain, at ang mga ito ang gusto ng Diyos sa iyo, kaya ka Niya dinala sa Kanyang sambahayan. Akala mo ba ay hindi nakikita ng Diyos ang iyong masasamang pagkukulang at gawi? Nakikita ng Diyos ang iyong mga pagkukulang—alam Niya ang lahat ng ito. Kung alam Niya, bakit hindi Niya inaayos ang mga ito? Madalas na nagdudulot ng pagkalito sa puso ng mga tao ang gayong mga bagay. Sinasabi nila: “Ililigtas ba ng Diyos ang isang tulad ko? Makakamit ba ng isang tulad ko ang kaligtasan? Napakabuktot at napakatiwali ko, ayaw na ayaw kong magpasakop sa pagdidisiplina, napakamapaghimagsik ko—at nilalabanan at pinagdududahan ko ang Diyos. Paano pa ako hihirangin ng Diyos?” Ano ang bumabagabag sa iyo? Ang Diyos lamang ang makapagliligtas sa iyo; dapat mong paniwalaan na kaya Niya itong gawin. Sapat nang ituon mo ang iyong pansin sa pakikinig sa mga salita ng Diyos, sa pagtanggap at pagsasagawa sa mga ito. Huwag kang mapako sa ibang mga bagay—huwag kang palaging maging negatibo dahil sa mga ito. Walang pumupuwersa sa iyo; walang may hawak ng alas laban sa iyo. Hindi tinitingnan ng Diyos ang mga bagay na iyon. Kung nagulo ka sa iyong paghahangad sa tamang landas at sa katotohanan dahil sa masasamang gawi, pagkukulang, o kabulukan na dulot ng mga gayong pagkakagapos sa mga negatibong aspekto ng buhay, hindi ba’t isang kawalan iyon? Hindi ba’t hindi iyon sulit? (Hindi nga.) Malamang na may ilang tao na napako na sa kasalukuyang gayong kalagayan. Sinasabi ng ilang tao na nasa personalidad nila ang pagiging masyadong padalus-dalos, na masyado silang magaspang sa anumang ginagawa nila, at na ayaw nilang mag-aral. Sinasabi nilang mayroon din silang masasamang gawi: Ayaw nilang gumising sa umaga o matulog sa gabi, at mahilig silang maglaro; mahilig silang makipagtsismisan paminsan-minsan, at paminsan-minsan ay mahilig silang magbiro. Tinatanong nila: Ililigtas ba ako ng Diyos? Hindi ba problema na mayroon kang napakaraming kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa iyong sarili? Bakit hindi ka maghanap nang kaunti? Ano ba talaga ang pananaw ng Diyos, at ano ba talaga ang sinasabi ng Kanyang mga salita? Binabanggit ba ang mga bagay na ito bilang mga problema sa Kanyang mga salita? Sinasabi ng ilang tao na mahilig silang magdamit nang maganda at palagi nilang kailangang pigilan ang sarili nila. Sinasabi ng iba na mahilig silang kumain ng karne, na sarap na sarap sila rito. Maliliit na problema ito. Ang mga kapintasang ito, ang mga personalidad na ito, o ang mga gawi sa buhay na ito, sa pinakamatindi, ay mga kapintasan sa pagkatao ng isang tao; hindi maituturing ang mga ito bilang isang tiwaling disposisyon. Ang talagang kailangang lutasin ng mga tao ay ang kanilang tiwaling disposisyon. Huwag kalimutan ang pangkalahatang sitwasyon. Kapag nalaman mo na mayroon kang tiwaling disposisyon, at nagsimula kang tumuon sa pagninilay-nilay at pagkilatis dito, at pinagsumikapan mo ito, at nagsimula kang kamuhian ito, dahan-dahang magbabago ang maliliit mong kapintasan—hindi na magiging problema ang mga ito. Mahilig magsaya ang ilang kabataan. Kapag natapos na nila ang kanilang tamang trabaho, ayos lang na magsaya sandali. Mahilig magpaganda ang ilang kabataang babae, magdamit nang maganda at maglagay ng kolorete sa mukha. Ayos lang din iyon, basta’t hindi ito sobra, at hindi sila nagsusuot ng kakaibang damit o naglalagay ng makapal na kolorete. Ayos lang ang lahat ng ito; walang pumipigil sa kanila. Hindi problema ang mga bagay na ito. Ang mga gawing ito sa buhay, mga pangangailangan para sa kalidad ng iyong buhay, at maliliit na problema sa personalidad—wala sa mga ito ang magdudulot na labanan mo ang Diyos, ni salungatin mo ang katotohanan. Ang iyong tiwaling disposisyon ang talagang nagdudulot na labanan mo ang Diyos, ang pumipigil sa iyo na makalapit sa Kanya at nagdudulot na maghimagsik ka laban sa Kanya. Kapag kaya mo nang matuklasan, malaman, at kamuhian ang iyong tiwaling disposisyon, at nagkamit ka ng pagnanais na magsagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyo, maaaring malutas ang lahat ng maliliit na kapintasang ito. At kapag nalutas na ang iyong tiwaling disposisyon—kapag nalutas ang pinakamalaking problema, ang iyong paglaban sa Diyos—maituturing pa rin bang mga problema ang maliliit mong kapintasan? Kapag dumating na ang oras na iyon, ang maliliit na bagay tulad ng kung paano ka umaasal, at kung paano ka namumuhay, kung ano ang iyong kinakain, kung ano ang iyong iniinom, kung paano ka nagpapahinga, kung paano mo ginagawa ang iyong tungkulin, at kung paano ka nakikisalamuha sa iba ay magiging may prinsipyo, nang unti-unti. Kapag narating mo na iyon ay saka mo lang malalaman na ang paglutas sa tiwaling disposisyon ng isang tao ang nananatiling malaking bagay sa buhay ng isang tao, noon at ngayon, na kapag nalutas na ang tiwaling disposisyon ng isang tao, malulutas din ang lahat ng iba pang problema. Kapag nalutas mo na ang problema ng paghihimagsik laban sa Diyos, saka ka mamumuhay nang may wangis ng isang tao, nang may dignidad. Maaaring may ilang maliit na kapintasan ngayon na hindi mo na ipinapakita. Maaaring purihin ka ng mga tao, na sinasabing ikaw ay isang mabuting kabataan, na taos-puso ka sa iyong pananampalataya sa Diyos, na mukha kang isang mananampalataya sa Diyos. Pero kung sinasabi ng Diyos na maaari ka pa ring maghimagsik laban sa Kanya, walang silbi ang iyong panlabas na mabuting ugali, gaano man ito kabuti. Hindi pa nalulutas ang pangunahing problema—hindi pa nalulutas ang iyong tiwaling disposisyon, at maaari ka pa ring maghimagsik laban sa Diyos. Malayo ka pa rin sa kaligtasan! Anong silbi ng pagkakaroon lamang ng mabubuting ugali? Hindi ba’t nilalansi mo lang ang iyong sarili sa mga ito?

Anong problema ang napakahalaga na malutas ninyo ngayon? (Ang problema sa tiwaling disposisyon.) Maaaring sabihin ng ilan: “Mahilig akong magsuot ng makukulay na damit, pero hindi gusto ng sambahayan ng Diyos ang mga ito, kaya maghihimagsik ako laban sa mga ito.” Hindi mo na kailangan gawin iyon—isuot mo ang mga ito kung gusto mo. Sinasabi ng ilan: “Mahilig akong maglagay ng pulbos at kolorete, at magmukhang maganda kapag nakikita ko ang mga tao araw-araw—ang sarap nito sa pakiramdam!” Basta may oras ka, ayos lang iyon. May nagsasabi: “Mahilig akong kumain ng sosyal na pagkain—mahilig ako sa maanghang, at maasim na pagkain din.” Basta’t may kakayahan ka, pagkakataon, at libreng oras, puwede mong kainin iyon hangga’t gusto mo. Kahit na hindi mo matugunan ang mga bagay na ito, at kahit pigilan mo ang mga ito, at maghimagsik ka laban sa mga ito, hindi malulutas ang iyong tiwaling disposisyon. Ano ang maaaring mangyari kung pipigilan mo ang mga ito? Magdurusa ka nang husto sa laman, pero mararamdaman mo sa puso mo na talagang naagrabyado ka—at ano ang magiging negatibong kahihinatnan nito sa iyo bilang kapalit? Mararamdaman mo na nagdusa ka nang husto para sa Diyos, na nakamit mo ang katotohanan, pero ang totoo, wala ka naman talagang natamo o hindi ka naging anuman. Maaaring magdamit ka nang elegante at nang may dignidad at nang maayos—maaaring magmukha kang isang kapatid, at maging maayos ang ugali mo—pero kung hindi mo man lang makita ang mga katotohanang prinsipyo kapag pinagawa sa iyo ang isang tungkulin, at kung maaari kang manggulo at manggambala sa gawain ng iglesia, nalutas na ba ang iyong pangunahing problema? (Hindi.) Samakatwid, paano mo man ito tingnan, ang pag-unawa sa mga salita ng Diyos, sa katotohanan, at ang pagpasok sa katotohanang realidad, at paglutas sa iyong tiwaling disposisyon ang pinakapangunahin. Huwag sayangin ang iyong mga pagsisikap sa ilang maliit na problema at panlabas na pag-uugali, nang nagpapakalugmok sa mga ito at hindi bumibitiw, palaging nakakaramdam ng kasalanan at pagkakautang sa puso, palaging nilulutas ang mga iyon na para bang malalaking usapin ang mga iyon. Ang nagiging bunga niyon ay hindi kailanman nalulutas ang iyong tiwaling disposisyon. Kung kahit ikaw ay hindi alam kung anong uri ka ng tao, o kung anong uri ng tiwaling disposisyon ang mayroon ka—kung wala kang kahit kaunting pag-unawa roon, hindi ba’t magugulo ang mga bagay-bagay? Kapag nalaman mo ang iyong tiwaling diwa, hindi na magiging problema ang maliliit mong suliranin. Natural na, habang nauunawaan mo ang katotohanan at pumapasok ka sa katotohanang realidad, at lumalago na nagiging kaya mong kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo, unti-unti mong maaalis ang maliliit na problemang iyon. Katulad ito ng mga taong hindi mapakali o ng mga mabagal kumilos, o ng mga madaldal o tahimik—hindi problema ang mga ito. Mga isyu ito sa personalidad. May mga taong malinaw magsalita, samantalang may iba naman na hindi; may mga taong malakas ang loob at nangangahas na magsalita sa harap ng maraming tao, habang ang iba naman ay hindi masyadong malakas ang loob at hindi nangangahas na magsalita kapag maraming tao sa paligid; may mga taong extrovert, samantalang may iba naman na introvert. Walang problema sa mga ito. Ano ang problema? Ang disposisyon ng mga anticristo na lumalaban sa Diyos—iyon ang problema. Ito ang pinakamalaking problema, ang pinagmumulan ng lahat ng katiwalian ng tao. Kung malulutas mo ang problema ng tiwaling disposisyon, hindi na problema ang problema.

May mga tanong pa ba? (O Diyos, may tanong ako: Sa aking paghahangad sa katotohanan, may normal na espirituwal na buhay ako, pero hindi gaanong masidhi ang aking puso ng pagmamahal at paghahangad sa katotohanan. Kapag nararamdaman kong mali ang aking kalagayan, masigasig akong naghahangad sa loob ng ilang araw, pero kapag dumaan na ang ilang araw na iyon, nagiging tamad uli ako. Paulit-ulit na nangyayari ang ganitong kalagayan, at alam ko na isa itong disposisyon na tutol sa katotohanan, pero hindi ko pa rin malutas ang ugat nito.) Walang magagawa riyan—ganyan talaga ang buhay pagpasok ng tao. Sa palaging pagnanais na malutas ang problemang ito, nagkakamali ka. Halimbawa: May ilang babae na sa paghahangad na makahanap ng asawa, ay may pamantayan na hindi naman importante kung pangkaraniwan lang ang hitsura nito, pero romantiko ito dapat. Dapat nitong maalala kung kailan at saan sila unang nagkita, kung kailan ang kanyang kaarawan, at ang kanilang anibersaryo, at iba pa. Dapat nitong maalala ang bawat mahalagang araw, at dapat din nitong maalalang sabihin paminsan-minsan, “Darling, mahal kita!” At bilhan siya ng regalo paminsan-minsan. Susubukan niya ang kanyang asawa: “Anong araw tayo unang nag-date? Kailan ang Araw ng mga Puso?” Palagi silang naghahanap ng romansa at ng gayong estimulasyon, at kung nagiging malamlam ang kanilang buhay, dumaraing sila, nagrereklamo sa kanilang asawa: “Isa kang mangmang, wala kang alam sa romansa. Nakakabagot ang mga araw ko kasama ka! Nasira ang buhay ko dahil sa iyo!” Hindi ba’t maraming babae ang may ganitong kapintasan? At kapag sinasabi mo na romantiko ang asawa ng iba, na marunong itong mag-alo ng isang babae, na tinatrato nito ang asawa nito na parang isang prinsesa, sobrang naiinggit ang mga babaeng ito, humihiling na maagaw sana nila ang asawang iyon. Sadyang hindi sila handa na mamuhay ng isang simple, karaniwang buhay. May ganitong kapintasan ka bang ipinakita? (Oo.) Habang gumagawa ang Diyos at nagliligtas ng mga tao, walang masyadong nakakakilig, na nakakasabik na bahagi, at hindi Siya lilikha ng mga sorpresa para sa iyo. Karaniwan at ordinaryo ito—iyon ang ibig sabihin ng maging praktikal. Hindi nangangailangan ng damdamin ang paghahangad sa katotohanan. Hangga’t nasa iyong puso ang paghahangad; at hangga’t sinusuri mo paminsan-minsan kung lumilihis ba ang landas na tinatahak mo, at kung mayroon bang mga pagkakamali o kawalan na dulot ng kamalian ng tao sa tungkulin na iyong ginagampanan, at nagbabahagi ka tungkol sa kung sa panahon bang ito ay nakapagtamo ang mga kapatid ng bagong kabatiran o kaalaman tungkol sa pagganap sa tungkulin na wala ka, kung may mga pagkabaluktot ba sa iyong pag-arok sa mga salita ng Diyos habang binabasa mo ang mga ito, kung may mga bagay ba sa mga ito na hindi mo naabot, o hindi mo pa naranasan, o binalewala, at iba pa—hangga’t normal at tama ang lahat ng landas, mithiin at direksyon, sasapat na iyon. Basta’t tama ang iyong pangkalahatang direksyon, sapat na iyon. Huwag kang maghanap ng kapapanabikan, at huwag kang maghanap ng mga sorpresa. Walang magsosorpresa sa iyo. Katulad ng kung paano namumuhay ang mga normal na tao ang pananampalataya sa Diyos at ang paghahangad sa katotohanan. Kadalasan ay hindi kapana-panabik, dahil namumuhay ka sa mundong ito, kung saan walang supernatural na mga bagay, at walang bagay na hiwalay sa tunay na buhay. Ganoon ito hindi kapanapanabik. Pero may pagkakaiba sa pagitan ng ganitong uri ng hindi kapanapanabik na buhay at ng buhay ng mga hindi nananampalataya: Habang nananampalataya ka sa Diyos at ginagawa ang iyong tungkulin, patuloy mong natututunan ang iyong tiwaling disposisyon, patuloy mong itinatama at binabago ang iyong relasyon sa Diyos, at patuloy mong natututunan ang mga katotohanang hindi mo nauunawaan, nakikilala at natatanggap mo ang mga katotohanang hindi mo alam o nauunawaan. Iyon ang pagkakaiba. Talagang malaking pagkakaiba na iyon—kaya, ano pa ba ang mahihiling ninyo? Hindi ba’t may sapat nang mga bagay na nangyayari sa sambahayan ng Diyos, sa iglesia, at sa paligid mo? Sapat na para sa pag-iisip ng mga tao ang mga bagay na nangyari mula sa simula ng gawain ng Diyos hanggang ngayon. Mabilis na lumilipas ang mga araw: Sa isang iglap, sampu, dalawampung taon ang lumilipas, pagkatapos, sa isa pang iglap, tatlumpu, limampung taon na ang lumipas. Sapat na iyon para sa buhay ng isang tao. Ano pa bang kapapanabikan ang hahanapin mo? Sapat nang kapanapanabik ang mga bagay na ito. Sapat na ang lahat ng bagay na nagaganap sa paligid mo para makadiskubre ka ng mga bagay na natatangi, para matuklasan mo ang katotohanan, at maging kasorpre-sorpresa sa iyo. Hindi naman iyon nakakabagot, hindi ba? (Hindi.) Hindi paghahangad sa kapapanabikan ang paghahangad sa katotohanan. Ganoon ang buhay ng mga tao, na namumuhay sa kanilang normal na pagkatao, sa materyal na mundong ito. Huwag kang maghanap ng kapapanabikan—ang paghahanap ng kapapanabikan at sensasyon ang ginagawa ng mga taong busog ang tiyan at walang ginagawa. Sa paggawa ng kanilang mga tungkulin at paghahangad sa katotohanan, may mga bagong aral na matutunan ang mga tao araw-araw. Sasabihin ng ilan, “Bakit hindi ako natututo kung gayon?” Maaaring mabagal ang iyong pag-usad; kung mayroon kang natututunan kada buwan, sapat na iyon. Hangga’t umuusad ka at naghahangad ng katotohanan, mayroon kang maipapakitang resulta. Nalutas ba ng pagbabahaging ito ang isyu? (Oo.) Paano? Aling mga salita ang naglutas nito? (Nalutas ito dahil alam ko nang hindi praktikal ang aking mga pananaw sa paghahangad sa aking pananampalataya sa Diyos—ang akin ay hindi pragmatikong paraan ng paghahangad. Palagi akong naghahangad ng estimulasyon, palagi kong hinahangad na madama ang mga bagay, at tinitingnan ko ang Diyos nang gamit lamang ang mga kuru-kuro at imahinasyon, nagpapanatili ng isang relasyon sa Kanya na may distansya, pero binabalewala ko na may kahinaan ang mga tao sa kanilang buhay pagpasok, at na lalago sila habang ginagawa nila ito, at na haharap sila sa lahat ng uri ng sitwasyon. Normal iyon.) Naintindihan mo ito nang tama. Kapag walang mga nangyayari, dapat gawin ng mga tao ang kanilang mga tungkulin nang nararapat, at magpatuloy sa kanilang paghahangad nang nararapat. Huwag kang maghanap ng kapapanabikan, o huwag damhin ang mga bagay-bagay; huwag maging sobrang sensitibo at sabihing, “Bakit masama ang lagay ng loob ko ngayon? Naku, malayo ang aking relasyon sa Diyos—dapat akong magmadali at magdasal!” Hindi kailangan ang gayong sobrang pagkasensitibo. Hindi ito alintana ng Diyos; hindi Niya pinapansin ang maliliit mong isyu! Maaaring sabihin mo, “Ilang araw na akong hindi nagdarasal, pero madalas kong hanapin ang Diyos sa aking puso kapag kumikilos ako, at pinananatili ko ang isang may-takot-sa-Diyos na puso.” Walang problema roon. Sasabihin ng ilan, “Naku, naging sobrang abala ako sa aking tungkulin kaya hindi ako nakapagbasa ng mga salita ng Diyos sa loob ng ilang araw.” Hindi ka dumaan sa prosesong iyon—pinabayaan mo ito—pero nang ginagawa mo ang iyong tungkulin, natuklasan mo ang maraming problema, at nagbunyag ka ng isang tiwaling disposisyon, at nakinig ka sa pagbabahagi ng iba sa panahong iyon, na lubos na nakapagpatibay sa iyo. Hindi ba’t isa iyong tunay na pakinabang? Hindi ba’t nagbabasa ka ng mga salita ng Diyos para maunawaan ang katotohanan at makamit ito? Anong silbi ng piliting gawin ito sa isang partikular na paraan o gawi? Sige. Tatapusin na natin dito ang pagbabahaginan ngayong araw. Paalam! (O Diyos, salamat at paalam!)

Mayo 30, 2020

Sinundan: Ikasiyam na Aytem: Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin para Lamang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Iniisip Kailanman ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ibinebenta pa nga ang mga Interes na Iyon, Ipinagpapalit para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Ikasampung Bahagi)

Sumunod: Ikasampung Aytem: Kinamumuhian Nila ang Katotohanan, Hayagang Nilalabag ang mga Prinsipyo, at Binabalewala ang mga Pagsasaayos ng Sambahayan ng Diyos (Ikalawang Bahagi)

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito