Kabanata 83
Hindi ninyo alam na Ako ang Diyos na makapangyarihan sa lahat, at hindi rin ninyo alam na ang lahat ng pangyayari at mga bagay ay nasa ilalim ng Aking pagkontrol! Ano ang ibig sabihin ng ang lahat ng bagay ay itinatag at kinumpleto Ko? Ang mga pagpapala o kasawiampalad ng bawat tao ay nakasalalay sa Aking pagtupad at sa Aking mga pagkilos. Ano ang magagawa ng tao? Ano ang matutupad ng tao sa pamamagitan ng pag-iisip? Sa huling yugtong ito, sa imoral na kapanahunang ito, sa madilim na mundong ito na ginawang tiwali ni Satanas sa ilang antas, ano ang iilang maaaring sang-ayon sa Aking kagustuhan? Kung ito man ay ngayon, kahapon, o sa hindi malayong hinaharap, Ako ang tumutukoy ng mga buhay ng bawat isa. Kung sila man ay tatanggap ng mga pagpapala o magdurusa ng kasawiampalad, at kung sila man ay minamahal o kinasusuklaman Ko, ang lahat ay Aking tiyak na tinukoy sa isang kumpas Ko. Sino sa inyo ang nangangahas na igiit na ikaw mismo ang tumukoy sa iyong mga hakbang at ang iyong kapalaran ay nasa iyong pagkontrol? Sino ang nangangahas na sabihin ito? Sino ang nangangahas na maging labis na mapanghamon? Sino ang hindi natatakot sa Akin? Sino ang, sa kaloob-looban, ay suwail sa Akin? Sino ang nangangahas kumilos ayon sa gusto nila? Kakastiguhin Ko sila sa sandaling iyon, at tiyak na hindi na mahahabag sa sangkatauhan o magbibigay pa ng anumang karagdagang kaligtasan. Ang sandaling ito—ibig sabihin, ang sandaling iyon na tinanggap ninyo ang Aking pangalan—ay ang huling sandali na magiging maluwag Ako sa sangkatauhan. Ang ibig sabihin niyan, nakapili na Ako ng isang bahagi ng sangkatauhan, na, kahit hindi pangwalang-hanggan ang kanilang mga pagpapala, ay nakatamasa na ng malaking bahagi ng Aking biyaya; samakatuwid, kahit hindi naitalaga na pagpapalain ka nang walang-hanggan, hindi nangangahulugang ikaw ay tatratuhin nang hindi tama, at malayong mas mabuti ka pa kaysa roon sa mga magdurusa ng tuwirang kasawiampalad.
Tunay nga na ang Aking paghatol ay umabot na sa kasukdulan, at pumapasok sa teritoryong hindi pa napapasok kahit kailan. Nasa bawat tao ang Aking paghatol, at ngayon ito ay isang paghatol na puno ng poot. Noon, ito ay isang maringal na paghatol, ngunit ibang-iba na ito ngayon. Sa nakalipas, hindi nakaramdam ang sangkatauhan ng kahit katiting na pangamba hanggang makaranas sila ng paggawad ng Aking paghatol; samantalang ngayon, sa sandaling makarinig sila ng kahit isang salita, natatakot sila nang lubusan. May iba pa ngang natatakot sa pagbubukas lamang ng Aking bibig. Kung ang Aking tinig ay lalabas, kapag nagsimula Akong magsalita, labis ang kanilang takot na hindi nila malaman ang kanilang gagawin, marubdob na nagnanasa sa sandaling iyon na ipasok ang kanilang sarili sa isang butas sa lupa o manatiling nakatago sa pinakamadilim na sulok. Ang ganitong uri ng tao ay hindi maililigtas dahil nasasaniban sila ng masasamang espiritu. Kapag hinatulan Ko ang malaking pulang dragon at ang matandang ahas, tumatahimik sila at natatakot pa ngang makita ng iba; tunay na sila ay mga inapo ni Satanas na isinilang sa kadiliman.
Malimit ko dating ginagamit ang mga salitang “pagtatalaga at pagpili.” Ano ba talaga ang ibig sabihin ng mga ito? Paano ba Ako nagtatalaga at pumipili? Bakit ba hindi ibinibilang ang isang tao sa mga itinalaga at pinili? Paano mo mauunawaan ito? Ang lahat ng ito ay nangangailangan ng ilang malinaw na paliwanag mula sa Akin, at nangangailangan ang mga ito na kausapin Ko kayo nang tuwiran. Kung ibinunyag Ko ang mga ito sa inyong mga saloobin, paniniwalaan ng mga mapupurol ang kamalian na ito ay isang kaisipang galing kay Satanas! Pagmumukhain Akong masama nang hindi nararapat! Magsasalita Ako nang matalas ngayon, at hindi na magpipigil ng anuman: Nang nilikha Ko ang lahat ng bagay, nilikha Ko muna ang mga bagay na magsisilbi sa sangkatauhan (mga bulaklak, damo, mga puno, kahoy, mga bundok, mga ilog, mga lawa, ang lupain at ang karagatan, lahat ng uri ng mga insekto, ang mga ibon, at ang mga hayop; ang iba ay para makain ng sangkatauhan, at ang iba ay para tingnan ng sangkatauhan). Iba’t ibang uri ng mga butil ang nilikha para sa sangkatauhan, ayon sa mga pagkakaiba ng iba’t ibang lugar; sinimulan Ko lamang likhain ang sangkatauhan pagkatapos likhain ang lahat ng ito. Mayroong dalawang uri ng mga tao: Ang una ay ang Aking pinili at itinalaga; ang pangalawa ay may mga katangian ni Satanas, at ang uring ito ay nilikha bago Ko nilikha ang mundo, ngunit dahil sila ay ganap na ginawang tiwali ni Satanas, tinalikdan Ko sila. Pagkatapos ay lumikha Ako ng isang uring pinili at itinalaga Ko, na ang bawat isa ay nagtataglay ng Aking mga katangian sa iba’t ibang antas; samakatuwid, ang bawat isa sa mga pinili Ko ngayon ay nagtataglay ng Aking mga katangian sa iba’t ibang antas. Bagama’t nagawang tiwali na sila ni Satanas, sila ay pag-aari Ko pa rin; bawat hakbang ay bahagi ng Aking plano ng pamamahala. Ang matatapat ay namumuno sa kaharian dahil binalak Ko na ito nang maaga. Sila na baluktot at mapanlinlang ay hindi magiging tapat kailanman, dahil mga binhi sila ni Satanas at nasasaniban ni Satanas; sila ay mga lingkod nito at nasa ilalim ng pag-uutos nito mula umpisa hanggang huli. Gayunpaman, ang layunin ng lahat ng ito ay para tuparin ang Aking kalooban. Nilinaw Ko na ito upang hindi na kayo manghula. Sila na ginagawa Kong perpekto, Aking iingatan at pangangalagaan; para sa mga kinamumuhian Ko, pagkatapos ng kanilang paglilingkod, lalabas sila sa Aking lugar. Kapag binabanggit ang mga taong ito, Ako ay napopoot; sa mismong pagbanggit sa kanila, gustung-gusto Ko na silang harapin kaagad. Gayunpaman, nagpipigil Ako sa Aking mga pagkilos; Ako ay sukat sa Aking mga pagkilos at pananalita. Maaari Kong pahirapan ang mundo sa isang bugso ng galit, ngunit sila na Aking itinalaga ay ang eksepsyon; matapos kumalma, maaari Kong hawakan ang mundo sa palad ng Aking kamay. Sa madaling salita, kinokontrol Ko ang lahat ng bagay. Kapag nakikita Ko na nagawang tiwali nang gayong kalawak ang mundo na hindi na ito matiis ng mga tao, kaagad Ko itong wawasakin. Hindi ba’t madali ko itong magagawa sa isang salita Ko lamang?
Ako mismo ang praktikal na Diyos; hindi Ako gumagawa ng higit-sa-natural na mga tanda o kababalaghan—ngunit bawat dako ay puno ng Aking kagila-gilalas na mga gawain. Ang daan sa hinaharap ay walang katulad na magiging mas maningning. Ang Aking pagbubunyag ng bawat hakbang ay ang daan na itinuturo Ko sa inyo, at ito ang Aking plano ng pamamahala. Ibig sabihin niyan, sa hinaharap, ang mga pahayag na ito ay magiging mas marami pa at patuloy na magiging mas maliwanag. Kahit sa Milenyong Kaharian—sa hindi-kalayuang hinaharap—dapat kayong sumulong ayon sa Aking mga pahayag at pagsunod sa Aking mga hakbang. Lahat ay nabuo na at lahat ay naihanda na; may walang-hanggang mga pagpapala ang naghihintay sa inyo na kabilang sa mga pinagpala, habang ang pinarurusahan ay may walang-hanggang pagkastigo na naghihintay sa kanila. Ang Aking mga hiwaga ay napakarami para sa inyo, ang napakapayak na mga salita para sa Akin ay ang pinakamahihirap para sa inyo. Samakatuwid, nagsasalita Ako nang nagsasalita, dahil napakakaunti ng inyong nauunawaan at kailangan ninyo Akong magpaliwanag ng bawat isang salita. Ngunit huwag masyadong mabahala; magsasalita Ako sa inyo ayon sa Aking gawain.