Kabanata 82
Kapag narinig nila ang Aking mga salita, lahat ay takot na takot; bawat tao ay puno ng pangamba. Ano ang inyong ikinatatakot? Hindi Ko kayo papatayin! Nakokonsiyensya kasi kayo; wala kasing kabuluhan at walang halaga ang ginagawa ninyo kapag nakatalikod Ako. Dahil dito ay muhing-muhi Ako sa inyo kaya marubdob Kong ninanais na sana ay naitapon Ko sa walang-hanggang hukay ang lahat ng hindi Ko paunang itinalaga at hinirang, para magkadurug-durog. Gayunpaman, mayroon Akong plano; mayroon Akong mga mithiin. Pansamantala Ko munang palalampasin ang hamak mong buhay, at hindi kita patatalsikin hanggang matapos ang iyong paggawa ng serbisyo sa Akin. Ayaw Kong makita ang gayong mga nilalang; kahihiyan sila sa Aking pangalan! Alam mo ba ito? Nauunawaan mo ba? Mga walanghiyang walang-silbi! Tandaan mo ito! Kapag ginagamit ka, Ako ang may kagagawan niyon, at kapag hindi ka ginagamit, Ako rin ang may kagagawan niyon. Ako ang nagsasaayos ng lahat, at sa mga kamay Ko, lahat ay matino at maayos. Sinuman ang nangangahas na kumilos nang lihis ay agad pababagsakin ng Aking mga kamay. Malimit Kong sabihing “pababagsakin”; palagay mo ba ginagawa Ko talaga iyan sa sarili Kong mga kamay? Hindi Ko kailangang gawin iyan! Ang Aking mga kilos ay hindi kasinghangal ng iniisip ng mga tao. Ano ang kahulugan kapag sinasabi na lahat ay itinatakda at isinasakatuparan ng Aking mga salita? Lahat ay isinasakatuparan nang wala Akong ginagawang anuman. Nauunawaan mo ba ang tunay na kahulugan ng Aking mga salita?
Hindi Ko kailanman ililigtas ang sinuman sa mga yaon na nagsisilbi sa Akin; wala silang bahagi sa Aking kaharian. Ito ay dahil sa abala lamang ang mga taong ito sa mga bagay na walang kinalaman sa kanila, sa halip na gawin ang Aking kalooban. Bagama’t ginagamit Ko sila ngayon, ang totoo ay sila ang mga taong kinasusuklaman Ko sa lahat; ang mga taong kinamumuhian Ko sa lahat. Ngayon, minamahal Ko ang sinumang maaaring gumawa ng Aking kalooban, ang sinumang maaaring magpakita ng pagsasaalang-alang sa Aking mga pasanin, at ang sinumang maaaring magbigay ng kanilang lahat-lahat para sa Akin nang taos-puso at tapat, at patuloy Ko silang liliwanagan, at hindi Ko sila hahayaang makalayo sa Akin. Malimit Kong sabihing, “Sa mga taong taos-pusong gumugugol para sa Akin, ikaw ay tiyak na labis Kong pagpapalain.” Ano ang tinutukoy ng “pagpapalain”? Alam mo ba? Sa konteksto ng kasalukuyang gawain ng Banal na Espiritu, tumutukoy ito sa mga pasaning ibinibigay Ko sa iyo. Para sa lahat ng nagagawang bumalikat ng pasanin para sa iglesia, at taos na inaalay ang kanilang sarili sa Akin, ang kanilang mga pasanin at kanilang kasigasigan ay kapwa mga pagpapalang nagmumula sa Akin. Dagdag pa rito, ang Aking mga paghahayag sa kanila ay isa ring pagpapala mula sa Akin. Ito ay dahil yaong mga walang pasanin ngayon ay hindi Ko paunang itinalaga at hinirang; sumapit na ang Aking mga sumpa sa kanila. Sa madaling salita, yaong mga paunang itinalaga at hinirang Ko ay may bahagi sa mga positibong aspeto ng Aking naipahayag, samantalang yaong mga hindi Ko paunang itinalaga at hinirang ay makakabahagi lamang sa mga negatibong aspeto ng Aking mga pahayag. Habang lalong ipinapahayag ang Aking mga salita, lalong lumilinaw ang kahulugan ng mga iyon; habang lalo Kong ipinapahayag ang mga iyon, lalong nagiging malinaw ang mga iyon. Bawat isa sa mga buktot at mapanlinlang, at hindi Ko paunang itinalaga, ay isinumpa Ko bago pa ang paglikha ng mundo. Bakit sinasabi na ang taon, ang buwan, ang araw, at maging ang oras, ang minuto, at ang segundo ng inyong pagsilang ay angkop Kong ipinlanong lahat? Matagal Ko nang natukoy kung sinu-sino ang magkakamit ng katayuan ng mga panganay na anak. Sila ay nasa Aking paningin; matagal Ko na silang itinuring na mahalaga, at matagal nang may puwang sa Aking puso. Bawat salitang sinasambit Ko ay may bigat at dinadala ang Aking mga ideya. Ano ang tao? Maliban doon sa ilan na minamahal Ko, na nagtataglay ng katayuan ng mga panganay na anak, ilan ang nagpapakita ng pagsasaalang-alang sa Aking kalooban? Ano ang halaga ng Aking mga anak? Ano ang halaga ng Aking mga tao? Noong araw, ang katagang “Aking mga anak” ay isang tawag sa Aking mga panganay na anak, ngunit akala ng Aking mga anak at Aking mga tao na walang kahihiyan ay isa itong marangal na titulo para sa kanila. Huwag niyong gampanan ang papel ng Aking mga panganay na anak nang walang kahihiyan. Karapat-dapat ka ba sa titulong ito? Ngayon, ang mga napatunayan lamang ay yaong mga nailagay sa mahahalagang posisyon sa Aking harapan; nakamit ng mga taong ito ang katayuan ng mga panganay na anak. May bahagi na sila sa Aking luklukan, sa Aking korona, sa Aking kaluwalhatian, at sa Aking kaharian. Lahat ay maingat Ko nang naisaayos. Lahat ng nakatanggap ngayon ng katayuan ng mga panganay na anak ay sumailalim na lahat sa matinding pasakit, pag-uusig, at kahirapan, kabilang na ang naranasan nila sa kanilang pamilya simula nang isilang sila, sa sarili nilang mga inaasam, trabaho, at pag-aasawa. Hindi nakamit ng mga panganay na anak na ito ang katayuang ito nang walang sakripisyo; sa halip, sumailalim na sila sa lahat ng aspeto ng buhay: mabuti at masama, ginhawa at hirap. Lahat ng dating tinitingala ng mga tao sa mundo at nabubuhay nang maginhawa noon sa tahanan, ay walang bahagi sa mga panganay na anak. Hindi sila karapat-dapat na maging mga panganay na anak; naghahatid sila ng kahihiyan sa Aking pangalan, at talagang ayaw Ko sa kanila. Ang Aking mga anak at Aking mga tao, na Aking napili, ay may maganda ring reputasyon sa mundo, ngunit napakalayo nila sa Aking mga panganay na anak. Ginagamit Ko ngayon ang ilang tao, ngunit marami sa kanila ang ni hindi nararapat na maging Aking mga tao. Mga pakay lamang sila ng walang-hanggang kapahamakan; ginagamit sila upang gumawa ng serbisyo sa Akin sandali, ngunit hindi upang gamitin nang matagalan. Sa kaibuturan ng puso Ko, naipasiya Ko na kung sinu-sino ang gagamitin nang matagalan. Ibig sabihin, yaong mga inilalagay Ko sa mahahalagang posisyon ang Aking minamahal at matagal Ko na silang sinimulang gamitin. Sa madaling salita, naitalaga na ang kanilang mga tungkulin. Tungkol sa mga taong Aking kinasusuklaman, sa yugtong ito, ginagamit lamang sila nang pansamantala. Kapag dumating ang mga banyaga, doon malinaw na ihahayag sa inyo ang mga panganay na anak.
Ngayon ay hinihingi Kong lumaki kayo nang mabilis at magpakita ng pagsasaalang-alang sa Aking pasanin. Ang pasaning ito ay hindi gaanong mabigat, at ipagagawa Ko lamang sa inyo kung ano ang inyong makakaya. Alam Ko ang inyong katayugan; alam Ko kung anong mga tungkulin ang kaya ninyong gampanan. Alam Kong lahat ito, at nauunawaan Ko ang mga bagay na ito; sana lang, maging handa kayong mga anak Ko na pagkaitan ang inyong sarili at tunay ninyong kayaning mahalin ang minamahal Ko, kamuhian ang kinamumuhian Ko, gawin ang ginagawa Ko, at sabihin ang sinasabi Ko. Huwag kayong pakontrol sa kalawakan, heograpiya, panahon, o sinupamang ibang tao. Nais Ko na ang inyong espiritu ay maging malaya, nasa lahat ng dako, at na bawat isa sa inyo ay makatayo sa posisyon ng Aking mga panganay na anak. Sino ang nag-aalay ng kanilang buong pagkatao sa Akin ngayon? Sino ang tapat na gumugugol para sa Akin? Sino ang gising araw at gabi para sa Aking kapakanan? Sino ang nagpapatakbo ng mga gawain sa Aking sambahayan para sa Akin? Sino ang nagpapagaan ng mga pasanin sa Aking mga balikat para sa Akin? Hindi ba sila ang Aking mga anak? Lahat ng Aking ginagawa ay upang gawing perpekto ang Aking mga anak at ginawa bilang pagsisilbi sa Aking mga anak. Nauunawaan mo ba? Lahat ay para sa Aking mga panganay na anak, at hindi Ako nagkakamali. Huwag mong isipin na mali ang paghatol Ko sa mga tao, at huwag mong isipin na hinahamak kita. Huwag mong ipalagay na hindi Ako gaanong gumagamit ng malaking talento, o na nagkamali Ako sa hindi paunang pagtatalaga sa iyo. Hindi ganoon; ito ay dahil hindi ka karapat-dapat doon! Alam mo ba iyon? Ngayon ay Aking pagtitibayin ang ilang bagay para sa inyo: Sinumang malimit magpasiklab ng Aking galit at malimit maging puntirya ng Aking pagpuna o pakikitungo, ay tiyak na siyang puntirya ng Aking pagkamuhi. Tiyak na mamamatay ang gayong mga tao—nakataga iyan sa bato. Nasabi Ko nang hindi Ko na pakikitunguhan ang Aking mga panganay na anak, dahil sumailalim na ang mga taong ito sa Aking matitinding pagsubok at nakamit na ang Aking pagsang-ayon. Sinuman ang tingnan Ko nang mabalasik ay nanganganib. Hindi ba kayo natatakot? Maraming mamamatay sa sandaling lumabas ang Aking mga salita mula sa Aking bibig. Gayunpaman, mapapanatili pa rin ng ilan ang kanilang laman; kaya lamang ay patay na ang kanilang espiritu. Ang pinakamalinaw na palatandaan nila ay na wala sa kanila ang gawain ng Banal na Espiritu at walang anumang pumipigil sa kanila. (Nagawa na silang tiwali ni Satanas, nang napakalalim.) Tuwing namamatay ang kanilang laman, nangyayari ito matapos ang angkop na pagpaplano Ko at sa oras na natukoy Ko. Ang kanilang espirituwal na kamatayan ay walang malaking silbi para sa Akin; gagamitin Ko ang kanilang laman upang ipamalas ang pagiging kamangha-mangha ng Aking mga gawa. Mula rito, makukumbinsi ang mga tao; magbibigay sila ng walang-katapusang papuri, at walang hindi matatakot at mangangamba sa Akin. Hindi Ko minamaliit ang anumang detalye; lahat ay kailangang mabuhay o mamatay para sa Akin, at walang makakaalis hangga’t hindi nila nagagampanan ang kanilang paggawa ng serbisyo para sa Akin. Kahit si Satanas ay hindi makakaatras sa walang-hanggang hukay hangga’t hindi nito nagagampanan ang paggawa ng serbisyo nito para sa Akin. Bawat hakbang Ko ay matatag at sigurado, at matibay; wala Akong ginagawang hakbang na hindi praktikal—kahit katiting.
Sino ang mangangahas na humambing sa Akin? Sino ang mangangahas na sumalungat sa Akin? Pababagsakin kita kaagad! Hindi Ako mag-iiwan ng bakas, at mawawala ang iyong laman; talagang totoo ito. Kapag sinabi Ko ang mga bagay na ito, agad Kong isinasagawa ang mga ito, at wala itong atrasan. Unti-unting gumuguho ang mundo araw-araw, at nasasawi ang sangkatauhan araw-araw. Sa bawat araw na lumilipas, nagkakahugis ang Aking kaharian at lumalaki ang Aking mga panganay na anak. Sa araw-araw, nadaragdagan ang galit Ko, mas tumitindi ang Aking mga pagkastigo, at ang Aking mga salita ay nagiging mas mabagsik. Hinihintay mo pa ring magsalita Ako sa inyo nang mas marahan, at sumigla ang Aking tono, ngunit mag-isip kayong muli! Ang Aking tono ay depende kung anong mga tao ang pinakikitunguhan Ko. Sa Aking mga minamahal, banayad ang tono Ko at laging nang-aaliw, ngunit sa inyo, kabagsikan at paghatol lamang ang maipapakita Ko, na dinaragdagan Ko pa ng pagkastigo at galit. Nang hindi namamalayan ng sinuman, ang sitwasyon sa bawat bansa ng mundo ay lalong nakakanerbiyos, gumuguho at nagkakagulo araw-araw. Inaasam ng lahat ng pinuno ng bawat bansa na magkamit ng kapangyarihan sa huli. Hindi talaga nila naisip na sumapit na sa kanila ang Aking pagkastigo. Hangad nilang agawin ang Aking kapangyarihan—ngunit nangangarap lamang sila! Kahit ang pinuno ng United Nations ay kailangang humingi ng tawad sa Akin. Marami siyang nagawang masama. Ngayon ang panahon para sa pagkastigo, at hindi Ko siya palalampasin nang basta-basta. Kailangang hubarin ng lahat ng nasa kapangyarihan ang kanilang korona; Ako lamang ang karapat-dapat na mamuno sa lahat ng bagay. Lahat ay nakadepende sa Akin—lahat ng iyon, pati na ang ilang banyaga. Agad Kong pababagsakin ang sinumang nanunuri sa Akin, dahil umabot na sa ganito ang Aking gawain. Araw-araw ay may isang bagong pahayag, araw-araw ay may bagong liwanag. Lahat ay lalong nagiging ganap. Palapit nang palapit at mas malinaw na ang huling araw ni Satanas.