Kabanata 84
Dahil sa kanilang kakulangan ng kaalaman tungkol sa Akin, nagambala ng mga tao ang Aking pamamahala at pinahina ang Aking mga plano nang maraming beses, ngunit hindi nila kailanman nakayang hadlangan ang Aking mga pasulong na hakbang. Ito ay dahil sa Ako ang Diyos ng karunungan. Sa Akin, may walang-hangganang karunungan; at sa Akin, may walang-hangganan at di-maarok na mga hiwaga. Sa napakatagal-nang-panahon, hindi pa ito kailanman nakayang arukin at ganap na maunawaan ng mga tao. Hindi ba ganoon? Hindi lamang may karunungan sa bawat salitang binibigkas Ko, mayroon din Akong natatagong hiwaga sa bawat salita. Sa Akin, ang lahat ay hiwaga; at bawat bahagi Ko ay hiwaga. Nakakita lamang kayo ng hiwaga ngayon, na yaong nakita ninyo ay ang Aking persona—ngunit hindi pa ninyo natutuklasan ang natatagong hiwagang ito. Makakapasok lamang ang mga tao sa Aking kaharian sa pamamagitan ng pagsunod sa Aking pangunguna; kung hindi, mapapahamak sila kasama ng mundo at magiging abo. Ako ang ganap na Diyos Mismo; Ako ay walang-iba kundi ang Diyos Mismo. Ang mga kasabihan ng nakaraan gaya ng “pagpapamalas ng Diyos” ay lipas na; ang mga iyon ay mga naluma nang bagay na hindi na akma sa kasalukuyan. Ilan ba sa inyo ang nakauunawa nito? Ilan ba sa inyo ang nakatitiyak na sa Akin sa ganitong hangganan? Ang lahat ay dapat Kong maipaliwanag at maituro nang malinaw.
Ang kaharian ni Satanas ay nawasak na at sa lalong madaling panahon ay matatapos ng mga tao nito ang kanilang paggawa ng serbisyo sa Akin. Isa-isa silang palalayasin mula sa Aking sambahayan, na ang ibig sabihin ay nabunyag nang lahat ngayon ang tunay na kulay ng mga nagpapanggap sa sari-saring mga papel, at silang lahat ay ihihiwalay mula sa Aking kaharian. Huwag ninyong kalimutan! Mula ngayong araw, yaong Aking mga tinalikdan, kasama yaong mga tinalikdan Ko sa nakaraan, ay yaong mga umaarte lamang, at mga huwad lamang; nagpapalabas lamang sila para sa Akin, at sa sandaling tapos na itong palabas, dapat na nilang iwanan ang entablado. Yaong mga tunay Kong anak ay opisyal na mapaparoon sa Aking kaharian upang tanggapin ang Aking pag-ibig at tamasahin ang mga pagpapala na Akin nang naihanda para sa inyo. Pinagpala ang mga panganay na anak! Dahil sinanay Ko kayo nang maaga, kayo ay angkop na para magamit Ko ngayon. Maniwala na Ako ang Diyos na makapangyarihan sa lahat. Ang mga bagay na hindi magagawa ng mga tao, magagawa Ko nang walang hadlang, at talagang walang puwang para labanan. Huwag ipagpalagay na wala kayong anumang magagawa at hindi kayo angkop na maging Aking mga panganay na anak. Kayo ay ganap na karapat-dapat! Ito ay dahil nakasalalay sa Akin ang lahat ng bagay upang magawa; umaasa silang lahat sa Akin upang maisakatuparan. Bakit ninyo nararamdaman ngayon na may gayon kayong tayog? Ito ay dahil lamang sa hindi pa dumarating ang sandali para kayo ay tunay Kong magamit. Ang dakilang mga talento ay hindi maaaring gamitin sa mga pangkaraniwang layunin; nauunawaan ba ninyo? Kayo ba ay limitado lamang sa isang maliit na Tsina mula sa buong mundo ng sansinukob? Ibig sabihin niyan, lahat ng tao sa buong mundo ng sansinukob ay ibibigay sa inyo para pastulin at pamunuan, sapagkat kayo ang mga panganay na anak, at ang pamumuno sa inyong mga kapatid ay ang tungkuling dapat ninyong tuparin. Alamin ito! Ako ang Diyos na makapangyarihan sa lahat! Minsan Ko pang idinidiin na hinahayaan Ko kayong magpakasaya. Ako ang Siyang gumagawa—ang Banal na Espiritu ay gumagawa sa lahat ng dako at personal na namumuno.
Noong nakaraan, walang pag-unawa ang mga tao sa Aking pagliligtas. Nauunawaan n’yo na ba ngayon? May ilang aspeto ang aking pagliligtas: Isa sa mga ito ay walang predestinasyon para sa ilang mga tao kahit kailan, na nangangahulugang hindi sila maaaring magtamasa ng Aking biyaya kahit kailan; ang isa pa ay mayroong mga itinakda na sa simula, na nagtatamasa ng Aking biyaya sa isang yugto ng panahon, ngunit pagkatapos ng ilang panahon, na siyang Akin nang naitakda, aalisin Ko sila at pagkatapos ay ganap nang magwawakas ang kanilang mga buhay. Gayunman isa pang aspeto ay na mayroon Akong mga paunang itinalaga at hinirang, at siyang nagtatamasa ng walang-hanggang mga pagpapala; tinatamasa nila ang Aking biyaya mula sa simula hanggang sa katapusan, kabilang ang mga paghihirap na kanilang pinagdusahan bago at pagkatapos nila Akong tanggapin, gayundin ang kaliwanagan at pagtanglaw na kanilang tinatanggap matapos Akong tanggapin. Mula ngayon, magsisimula silang magtamasa ng mga pagpapala—iyan ay, sila ang mga inililigtas Ko nang lubusan. Ito ang pinakakitang-kitang pagpapahayag ng kaganapan ng Aking dakilang gawain. Ano, kung gayon, ang tinutukoy ng mga pagpapala? Matanong Ko kayo: Ano ang pinakagusto ninyong gawin? Ano ang pinakaayaw ninyo? Ano ang pinakaaasam ninyong makuha? Dumaan na kayo sa mga pasakit at paghihirap sa nakaraan, ang lahat ay alang-alang sa pagkakamit sa Akin at para lumago ang inyong mga buhay; ang mga iyon ay bahagi ng biyaya. Ang “Pagpapala” ay nangangahulugang sa hinaharap, mawawala na sa inyo ang mga bagay na inyong kinasusuklaman, na ang ibig sabihin ay mawawala na ang mga bagay na ito sa inyong mga tunay na buhay; at ang mga iyon ay ganap na aalisin sa harap ng inyong mga mata. Ang pamilya, trabaho, asawa, mga anak, mga kaibigan at mga kamag-anak, at maging ang tatlong-beses na pagkain sa isang araw na inyong kinasusuklaman araw-araw, ay mawawala. (Ibig sabihin nito ay hindi nalilimitahan ng panahon at lumalakad palabas sa laman nang lubusan. Tanging ang iyong kontentong espiritu ang makapagpapanatili sa iyong katawan, ngunit ito ay tumutukoy sa iyong katawan at hindi sa laman. Ikaw ay magiging ganap na malaya at nangingibabaw. Ito ang pinakadakila at pinakalantad na himalang naipakita na ng Diyos simula sa paglikha ng mundo.) Lahat ng maliliit na butil ng lupa sa inyong katawan ay maaalis, at kayo ay magiging ganap na katawang espirituwal na banal at walang-bahid, kayang maglakbay sa buong sansinukob at hanggang sa mga dulo ng mundo. Mula roon, maaalis na rin ang lahat ng inyong nakayayamot na paghuhugas at pagkukuskos, at inyo na lamang pasasayahin ang mga sarili nang lubus-lubusan. Mula sa sandaling iyon, hindi na kayo mag-iisip ng tungkol sa pag-aasawa (dahil winawakasan Ko ang isang kapanahunan, hindi nililikha ang mundo), at hindi na magkakaroon ng mga sakit sa panganganak na labis na nagpapahirap sa mga babae. Ni hindi na rin kayo magtatrabaho o magpapagal sa hinaharap. Lubusan kayong mabababad sa Aking yakap ng pagmamahal, at tinatamasa ang mga ipinagkaloob Ko sa inyong pagpapala. Ito ay walang-pasubali. Habang nagtatamasa kayo sa mga pagpapalang ito, patuloy kayong susundan ng biyaya. Lahat ng Aking inihanda para sa inyo—iyan ay, ang bihira at napakahalagang mga kayamanan mula sa buong mundo—ay ibibigay lahat sa inyo. Ngayon, hindi ninyo aakalain ni maiisip ang lahat ng ito, at wala pang sino man ang nakapagtamasa noon. Kapag dumating sa inyo ang mga pagpapalang ito, kayo ay liligaya nang walang-katapusan, ngunit huwag kalilimutang ang lahat ng ito ay dahil sa Aking kapangyarihan, Aking mga pagkilos, Aking katuwiran at lalong higit pa, Aking pagiging maharlika. (Magiging maawain Ako sa mga pinipili Kong pagpapakitaan Ko ng awa, at magiging mahabagin Ako sa mga yaon na pinipili Kong pagpapakitaan Ko ng habag.) Sa panahong iyon, wala kayong magiging mga magulang, at hindi na magkakaroon ng mga kadugong ugnayan. Kayong lahat ay mga taong Aking minamahal, minamahal Kong mga anak. Mula sa panahong iyon, walang mangangahas na apihin kayo. Ito’y magiging panahon para lumago kayo tungo sa hustong-gulang, at panahon para inyong pamunuan ang mga bansa gamit ang tungkod na bakal! Sinong nangangahas na hadlangan ang minamahal Kong mga anak? Sinong nangangahas na lusubin sila? Katatakutan ng lahat ang minamahal Kong mga anak, dahil ang Ama ay nagtamo ng kaluwalhatian. Lahat ng bagay na kailanman ay walang sinumang makakaguni-guni ay lilitaw sa harap ng inyong mga mata. Ang mga iyon ay walang katapusan, hindi-nauubos, walang hanggan. Hindi magtatagal, tiyak na hindi nyo na kailangang masunog ng araw at tiisin ang nagpapahirap na init, ni hindi na rin kayo magdurusa sa lamig o maramdaman ang dampi ng ulan, niyebe o hangin. Ito ay dahil mahal Ko kayo, at magiging ang kabuuan ng mundo ng Aking pag-ibig. Ibibigay Ko sa inyo ang lahat ng gusto ninyo, at ihahanda Ko para sa inyo ang lahat ng kailangan ninyo. Sinong nangangahas na magsabing Ako ay hindi matuwid? Papatayin kita agad, dahil sinabi Ko na dati na ang Aking poot (laban sa masasama) ay tatagal tungo sa kawalang-hanggan, at hindi Ako lulubay kahit katiting. Gayunpaman, ang Aking pag-ibig (para sa Aking minamahal na mga anak) ay tatagal din nang walang-hanggan; hindi Ko ito pipigilan kahit kaunti.
Ngayon, yaong mga nakakarinig sa Aking mga salita bilang paghatol ay yaong mga wala sa tamang kalagayan. Gayunpaman, sa sandaling matuklasan nila iyon, natalikuran na sila ng Banal na Espiritu. Ang mga panganay na anak ay pinipili sa inyo mula sa buong mundo ng sansinukob, samantalang maliit lamang na bahagi ninyo ang binubuo ng mga anak at mga tao. Ang pagdidiin Ko ay nasa buong mundo ng sansinukob, na nangangahulugang ang mga anak at mga tao ay pinipili mula sa lahat ng bansa ng mundo. Nauunawaan ba ninyo? Bakit palagi Kong idinidiin na ang mga panganay na anak ay dapat na lumagong mabilis at pamunuan yaong mga banyaga? Nauunawaan ba ninyo ang tunay na kahulugan ng Aking mga salita? Ito ay dahil ang Tsina ay isang bansang Aking isinumpa, inusig Ako nito nang higit sa lahat, at kinasusuklaman Ko ito nang higit sa lahat. Dapat ninyong malaman na ang Aking mga panganay na anak at Ako ay nagmumula sa langit at siyang mga tao na pangsansinukob. Hindi kami kabilang sa alinmang bansa. Huwag manangan sa mga pantaong kuru-kuro! Ito ay dahil naipakita Ko na ang Aking persona sa inyo. Ang lahat ay nakasalalay sa Akin. Matatandaan mo ba ang Aking mga salita? Bakit Ko sinasabi na paunti nang paunti ang mga tao sa inyo at ang populasyon ay nagiging mas pino? Ito ay dahil unti-unting bumabaling ang Aking pagliligtas tungo sa mundo ng sansinukob. Yaong mga inaalis, na tumanggap na ng Aking pangalan ay yaong mga gumawa ng serbisyo para lang sa pagpeperpekto ng mga panganay na anak. Nauunawaan mo ba? Bakit Ko sinasabing lahat sila ay yaong mga nagseserbisyo para sa Aking mga panganay na anak? Talagang naunawaan mo na ngayon, hindi ba? Tunay na kakaunti ang bilang; tiyak na may iilan. Gayunpaman ang mga taong iyon ay nakinabang nang malaki dahil sa Aking mga anak at nagtamasa nang malaki sa Aking biyaya, at iyan ang dahilan kung bakit sinabi Ko na inililigtas Ko ang lahi ng tao sa kahuli-hulihang pagkakataon. Ngayon ay alam na ninyo ang tunay na kahulugan sa Aking mga salita! Kakastiguhin Ko nang matindi ang sinumang lumalaban sa Akin, at ibabaling Ko ang Aking mukha tungo sa sinumang nagtatanggol sa Akin. Ito ay dahil nananatili Akong, mula sa simula hanggang sa katapusan, maharlika at matuwid na Diyos, at ang lahat ay ibubunyag sa inyo. Gumagawa Ako nang mabilis sa kamangha-manghang mga paraan, at hindi magtatagal, mga kamangha-manghang bagay na hindi abot ng guni-guni ng mga tao ang magaganap. Ibig Ko talagang sabihin ay kaagad at sa lalong madaling panahon, nauunawaan mo ba? Sikaping pumasok sa buhay nang walang pagkaantala! Minamahal Kong mga anak, ang lahat ng bagay ay narito para sa inyo, at lahat ng bagay ay umiiral para sa inyo.