Kabanata 86
Sinasabi ng mga tao na Ako ay mahabaging Diyos; sinasabi nila na magdadala Ako ng pagliligtas para sa lahat na Aking nilikha. Ang mga bagay na ito ay sinasabing lahat batay sa mga pantaong kuru-kuro. Ang Aking pagiging isang mahabaging Diyos ay sinasabi sa Aking mga panganay na anak, at ang Aking pagdadala ng kaligtasan sa lahat ay sinasabi sa Aking mga panganay na anak at Aking mga tao. Dahil Ako ay marunong na Diyos, malinaw sa Aking isipan kung sino ang mga minamahal Ko at sino ang mga kinamumuhian Ko. Para sa mga minamahal Ko, palagi Ko silang mamahalin hanggang wakas at ang pag-ibig na iyon ay hindi kailanman magbabago. Para naman sa mga kinamumuhian Ko, hindi naaantig ang puso Ko kahit kaunti, gaano man sila magpakawasto ng kilos. Dahil ito sa hindi sila isinilang mula sa Akin at hindi nila taglay ang Aking mga katangian o ang Aking buhay. Ibig sabihin, hindi sila patiunang naitadhana at napili Ko—sapagkat hindi Ako nagkakamali. Nangangahulugan iyan na lahat ng Aking mga gawa ay tinatawag na banal at kagalang-galang at hindi Ako kailanman nagkakaroon ng anumang pagsisisi. Sa paningin ng mga tao, masyado Akong walang habag—ngunit hindi mo ba nakikilala na Ako ang matuwid at maharlika na Diyos Mismo? Lahat ng Akin ay tama; ang mga kinamumuhian Ko ay tiyak na tatanggapin ang Aking mga sumpa at ang mga minamahal Ko ay tiyak na tatanggapin ang Aking mga pagpapala. Ito ang Aking banal at di-malalabag na disposisyon, at walang tao ang makababago nito. Wala itong pasubali!
Ngayon, ang mga totoong nakaayon sa Aking mga layunin ay tiyak na gagawin Kong ganap, dahil ang Aking gawain ay kapwa tuwiran at masinsin at hindi Ako nag-iiwan ng mga hindi tapos. Masusunog ang mga sinusumpa Ko. Kung gayon, bakit kahit na ang nakararaming tao ay naisumpa Ko na ay ginagawa pa rin ng Banal na Espiritu ang Kanyang gawain sa kanila (sinasabi ito ukol sa hindi Ko paninirahan sa isang maruming templo)? Nauunawaan ba ninyo ang totoong kahulugan sa likod ng kasabihang lahat ng usapin at lahat ng bagay ay nagbibigay serbisyo kay Cristo? Ginagawa ng Banal na Espiritu ang Kanyang gawain sa pamamagitan nila kapag ginagamit Ko ang kanilang serbisyo, ngunit karaniwan, kapag wala sila sa Aking serbisyo, hindi talaga sila naliliwanagan sa kanilang espiritu. Kahit na naghahanap nga sila, ginagawa lamang nila ito dahil sa sigasig, at panlalansi ito ni Satanas—sapagkat sa karaniwang panahon, hindi talaga nila pinapansin ang Aking gawain at lubusan silang walang pagsasaalang-alang sa Aking mga pasanin. Ngayong nagkagulang na ang Aking mga panganay na anak, sinisipa Ko sila palayo; dahil dito, ang Aking Espiritu ay nakaalis na mula sa lahat ng dako, at natatanging atensyon ang ibinibigay sa Aking mga panganay na anak. Nauunawaan mo ba? Ang lahat ng bagay ay nakasalalay sa Aking mga gawa, sa Aking patiunang pagtatadhana, at lahat ng salita mula sa Aking bibig. Ang lahat ng lugar na nakatanggap na ng Aking mga pagpapala ay tiyak na mga lugar kung saan gumagawa Ako, at mga lugar kung saan isinasagawa ang Aking gawain. Ang Tsina ang bansa kung saan pinakasinasamba si Satanas, kaya isinumpa Ko na ito. Dagdag pa riyan, ito ang bansa na may pinakamaraming ginawa para usigin Ako. Talagang hindi Ako gagawa sa mga taong nasa ilalim ng impluwensiya ng malaking pulang dragon. Nauunawaan ba ninyo ang totoong kahulugan ng Aking mga salita? Ang bilang nga naman ng Aking mga anak at Aking tao ay kakaunti. Ang lahat ay nasa Aking mga kamay; dapat ituon ang lakas at dapat iukol ang higit na pagsisikap sa mga napili Ko na at patiunang naitadhana. Ibig sabihin, ang Aking mga panganay na anak ay dapat magmadali at magsagawa upang makibahagi sa Aking mga pasanin sa lalong madaling panahon, at ibigay ang lahat ng kanilang pagsisikap sa Aking gawain.
Kayong mga gumagawa ng serbisyo para sa Akin, makinig! Makatatanggap kayo ng ilan sa Aking biyaya kapag gumagawa ng serbisyo para sa Akin. Iyan ay, malalaman ninyo panandalian ang tungkol sa Aking huling gawain at mga bagay na mangyayari sa hinaharap—ngunit hindi talaga ninyo matatamasa ang mga ito. Ito ang Aking biyaya. Kapag natupad na ang inyong serbisyo, umalis kaagad kayo at huwag magtagal. Kayong Aking mga panganay na anak ay hindi dapat maging mapagmataas, ngunit maaari kayong magmalaki, dahil pinagkalooban Ko kayo ng walang katapusang mga pagpapala. Kayong mga puntirya para sa pagwasak ay hindi dapat magdulot ng ligalig sa inyong mga sarili o makaramdam ng lungkot tungkol sa inyong hantungan. Hindi ba’t inapo ka ni Satanas? Pagkatapos mong magawa ang iyong serbisyo para sa Akin, puwede ka nang bumalik sa walang hanggang hukay dahil wala ka ng gamit para sa Akin. Sisimulan Ko nang parusahan kayo ng Aking pagkastigo pagkatapos. Sa oras na simulan Ko na ang Aking gawain, tatapusin Ko iyon; maisasakatuparan ang Aking mga gawa at iiral magpakailanman ang Aking mga naisakatuparan. Naaangkop itong lahat sa Aking mga panganay na anak, Aking mga anak, at Aking mga tao, at gayon din ito para sa inyo: Walang hanggan ang Aking magiging mga pagkastigo sa inyo. Nasabi Ko na sa inyo nang maraming ulit noon na tiyak na tiyak na parurusahan Ko ang mga masasama na lumalaban sa Akin. Kung hindi ka sinaway ng Banal ng Espiritu matapos mo Akong labanan, naisumpa na kayo at pagkatapos ay pababagsakin kayo ng Aking kamay. Kung dinidisiplina kayo ng Banal na Espiritu sa tuwing nagkakaroon ng masasamang kaisipan tungkol sa Akin, nakatanggap na kayo ng Aking pagpapala; gayunman, palagi kayong dapat maging maingat, hindi kailanman mapagpabaya, at hindi kailanman walang ingat.