Kabanata 85
Gumagamit Ako ng iba’t ibang tao upang makamit ang Aking kalooban: Natutupad ang Aking mga sumpa sa mga kinakastigo Ko, at natutupad naman ang Aking mga pagpapala sa mga minamahal Ko. Ang tanong ngayon kung sino sa inyo ang makatatanggap ng Aking mga pagpapala at sinong magdurusa ng Aking mga sumpa ay ganap na nakasalalay sa isang salita Ko; ang lahat ng ito’y natutukoy ng Aking mga binibigkas. Alam mong kung kaninuman Ako mabuti ngayon ay tiyak siyang mapagkakalooban ng Aking mga pagpapala sa lahat ng panahon (ibig sabihin, yaong mga unti-unting kumikilala sa Akin, at lalong mas nagiging sigurado sa Akin, nagkakaroon ng bagong liwanag at paghahayag, at nakakayang sumabay sa bilis ng Aking gawain). Sinumang kinamumuhian Ko (ito ay isang bagay na nasa Aking loob na hindi nakikita ng mga tao mula sa labas) ay mga taong tiyak na magdurusa ng Aking mga sumpa, at walang dudang kasama sila sa mga supling ng malaking pulang dragon, kaya magiging bahagi sila sa pagsumpa ko dito; Yaon namang mga hindi Ko kayang tiisin, yaong sa tingin Ko ay kulang ang katangian at hindi Ko magagawang perpekto o magagamit, magkakaroon pa rin sila ng pagkakataong maligtas, at mabibilang sila sa Aking mga anak na lalaki. Kung sinumang hindi nagtataglay ng anuman sa Aking katangian, walang espirituwal na pang-unawa, at hindi Ako nakikilala, ngunit may masigasig na pag-iisip, maitatalaga ang taong iyon kung gayon bilang isa sa Aking mga tao. Yaong mga nakikibahagi sa Aking mga sumpa ay itinuturing Kong hindi abot ng kaligtasan at sila yaong mga nasaniban ng masasamang espiritu. Nasasabik Akong patalsikin sila. Isinilang sila ng malaking pulang dragon at sila ang pinakakinasusuklaman Ko. Mula sa puntong ito, hindi Ko sila kailangang magbigay ng serbisyo sa Akin. Sadyang ayaw Ko na sa kanila! Ayaw Ko kahit na sinuman sa kanila! Maging ang kanilang pag-iyak at pagngangalit ng ngipin sa harapan Ko ay walang epekto sa Akin; hindi Ako tumitingin sa kahit kanino sa kanila. Sinisipa Ko lang sila papalayo. Anong uring mga bagay ka? Nararapat ka bang nasa Aking harapan? Karapat-dapat ka ba? Nagpapanggap pa rin kayo na mabubuting tao at nagkukunwaring mapagpakumbaba! Matapos mong gawin yaong mga hindi mabilang na masasamang bagay, maaari ba kitang hayaan na lang? Tatayo ka agad sa harap ko pagkatapos, bago mo pa mang simulang salungatin Akong muli. Kailanman ay wala kang anumang naging mabuting layunin; nais mo lang Akong linlangin! Makagagawa ka ba talaga ng kabutihan kung inapo ka ng malaking pulang dragon? Imposible! Naisumpa na kita at hinahatulan kita nang lubusan! Magbigay ka ng serbisyo sa Akin nang buong puso, nang tapat at sa disiplinadong paraan, at pagkatapos ay bumalik ka sa iyong hukay ng walang-hanggang kalaliman! Gusto mo ng bahagi sa Aking kaharian? Nananaginip ka! Walang kahihiyan! Ikaw, kasama ng madungis at marumi mong katawan, ay nagawa nang tiwali na sa isang partikular na antas, ngunit mayroon ka pa ring lakas ng loob na tumayo sa Aking harapan! Tumabi ka! Kung patuloy kang mambabalam, parurusahan kita nang labis! Lahat ng nakikibahagi sa kabuktutan at panlilinlang sa Aking harapan ay dapat mailantad. Saan ka makakapagtago? Saan mo maikukubli ang iyong sarili? Anumang pag-iwas o pagtago ang gawin mo, matatakasan mo ba ang Aking kontrol? Kung hindi ka maayos na magbibigay ng serbisyo sa Akin, magiging mas maikli kung gayon ang buhay mo; matatapos ka kaagad!
Sinasabi Ko sa inyo nang buong linaw kung anong uri ng mga tao ang Aking mga panganay na anak, at binibigyan Ko kayo ng tumpak na katibayan. Kung hindi Ko ito gagawin, hindi ninyo magagawang makuha ang inyong mga wastong kalalagyan, at sa halip ay magpapasya nang walang itinatangi para sa mga sarili sa kung ano ang dapat ninyong maging kalagyan. Magiging labis na mapagpakumbaba ang ilan, at ang ilan ay magiging labis na di-mapigilan, at yaong mga hindi nagtataglay ng Aking katangian, o yaong labis na kulang ang katangian, ay nanaising maging Aking mga panganay na anak. Anong mga pagpapahayag ang nagagawa ng Aking mga panganay na anak? Una sa lahat, nakatuon ang pansin nila sa pag-unawa sa Aking kalooban at nagpapakita ng pagsasaalang-alang. Dagdag pa dito, nasa kanilang lahat ang Banal na Espiritung kumikilos sa kanila. Ikalawa, matiyaga silang naghahanap sa kanilang mga espiritu, umiiwas sa kahalayan, at laging nananatili sa loob ng Aking mga hangganan; lubos silang normal. Dagdag pa dito, sa ganitong paraan ng pagkilos, hindi sila nanggagaya (Sapagkat nakatuon sila sa pagdama sa gawain ng Banal na Espiritu at may pagsasaalang-alang sa Aking pagmamahal sa kanila, maingat sa lahat ng oras, at may malalim na takot sa pagkahulog sa kaisipan ng pagkakanulo o pagsalungat sa Akin). Ikatlo, kumikilos sila nang buong puso para sa Akin, at kaya nilang ialay ang buo nilang pagkatao, at binuwag na nila ang anumang ideya tungkol sa kanilang mga inaasam sa hinaharap, ang kanilang buhay, kung anong kakainin nila, isusuot at gagamitin, at kung saan sila titira. Ikaapat, patuloy silang nagugutom at nauuhaw para sa katuwiran, at naniniwala silang labis ang kanilang kakulangan at sadyang musmos ang kanilang tayog. Ikalima, gaya ng binanggit Ko noon, mayroon silang mabubuting reputasyon sa mundo, ngunit isinasantabi ng mga tao ng mundo. Mayroon silang moral na integridad sa kanilang mga relasyon sa kabilang kasarian. Ang lahat ng ito ay mga katibayan, ngunit hindi Ko ngayon maihahayag nang lubusan sa inyo ang mga ito, sapagkat hindi pa naaabot ng Aking gawain ang yugtong iyan. Mga panganay na anak, tandaan! Ang mga pakiramdam ng buhay sa loob mo, ang iyong takot sa Akin, ang pagmamahal mo sa Akin, ang pagkakilala mo sa Akin, ang paghahanap mo sa Akin, ang inyong pananampalataya—lahat ng bagay na ito ay sumasaklaw sa pagmamahal Ko sa inyo; at lahat ng ito ay katibayang ibinibigay Ko sa inyo, upang tunay kayong maging minamahal Kong mga anak at magiging katulad Ko, kumakain, namumuhay, at tinatamasa ang mga pagpapala nang kasama Ako sa hindi mapantayang kaluwalhatian.
Hindi Ako maaaring magpakita ng kaluwagan sa sinumang umusig sa Akin, yaong mga walang kaalaman tungkol sa Akin (kabilang ang bago nasaksihan ang Aking pangalan), na naniwalang Ako ay tao, o yaong mga lumapastangan sa Akin at naninirang-puri sa Akin sa nakaraan. Kahit pa magbigay sila ng pinakamatunog na patotoo para sa Akin ngayon, hindi pa rin ito sapat. Ang pag-usig sa Akin sa nakaraan ay isang paraan ng pagbibigay serbisyo sa Akin, at yaong mga taong magpapatotoo sa Akin ngayon, magiging kasangkapan Ko pa rin sila. Tanging yaong mga ginawa Kong tunay na perpekto ngayon ang may gamit para sa Akin, sapagkat Ako ang matuwid na Diyos Mismo, at lumabas Ako mula sa katawang-tao at inihiwalay Ko ang Aking sarili mula sa lahat ng relasyon na maka-lupa. Ako ang Diyos Mismo at lahat ng tao, larangan, at mga bagay na nasa paligid Ko dati ay nasa Aking mga kamay. Wala Akong emosyon at isinasagawa Ko ang katuwiran sa lahat ng bagay. Matuwid Ako, at walang bahid ng kahit katiting na dumi. Nauunawaan ba ninyo ang kahulugan ng mga salita Ko? Makakamit ninyo rin ba ito? Iniisip ng mga tao na mayroon rin Akong normal na pagkatao, may pamilya at mga emosyon—ngunit alam ba ninyong ganap kayong nagkakamali? Ako ay Diyos! Nakalimutan ninyo na ba ito? Nalilito ba kayo? Hindi pa rin ninyo Ako kilala!
Ang Aking katuwiran ay ganap nang naihayag sa inyo. Sa anumang paraan ng pakikitungo Ko sa anumang uri ng tao ay nagbubunyag ng Aking katuwiran at ng Aking kamahalan. Dahil Ako ang Diyos Mismo na nagdadala ng poot kasama Niya, hindi Ko palalampasin ang kahit na isang umusig o luminlang sa Akin. Malinaw ba ninyong nakikita ito, sa ilalim ng ganito kahigpit na kinakailangan? Yaong mga pinili Ko at itinalaga ay parang mga bihirang perlas o mga piraso ng agata; kakaunti sila at malayo ang agwat sa isa’t isa. Ito ay dahil tiyak na may mas kaunting taong mamamahala bilang mga hari kaysa yaong magiging mga tao Ko, at inihahayag nito ang Aking kapangyarihan at ang Aking mga nakamamanghang gawa. Madalas Kong sabihing gagantimpalaan Ko kayo, pagkakalooban kayo ng mga korona at sa Akin ay may kaluwalhatiang walang hanggan. Ano ang ibig Kong sabihin sa gantimpala, korona at kaluwalhatian? Sa kuru-kuro ng mga tao, ang mga gantimpala ay mga materyal na bagay, tulad ng pagkain, mga damit o iba pang bagay na maaaring gamitin, ngunit ito ay ganap nang napaglumaan na paraan ng pag-iisip; hindi ito ang ibig Kong sabihin sa mga katagang iyon, sa halip ito ay ay isang maling pagkaunawa. Ang mga gantimpala ay mga bagay na nakukuha sa kasalukuyan at bahagi ang mga ito ng biyaya. Gayunpaman, may ilan ring gantimpala na nauugnay sa mga kasiyahan ng laman, at yaong mga nagbibigay serbisyo sa Akin ngunit yaong hindi Ko ililigtas ay maaari ring magkamit ng ilang materyal na kasiyahan (bagama’t mga materyal pa rin na bagay ang mga ito na nagbibigay ng serbisyo para sa Akin). Ang korona ay hindi isang sagisag ng katungkulan; ibig sabihin, hindi ito isang materyal na bagay na ibinibigay Ko sa inyo para sa inyong kasiyahan, kundi isa itong bagong pangalan na ipinagkakaloob Ko sa inyo, at sinumang kayang isabuhay ang iyong bagong pangalan ay isang taong nagkamit ng korona, na nagkakamit ng Aking mga pagpapala. Ang mga gantimpala at korona ay bahagi ng mga pagpapala, ngunit kung ihahambing sa mga pagpapala, tulad ng langit at lupa ang pagkakaiba nito. Ang kaluwalhatian ay hindi madaling ilarawan ng mga kuru-kuro ng mga tao, dahil hindi isang materyal na bagay ang kaluwalhatian. Para sa kanila, isa itong abstraktong konsepto. Kung gayon, ano ba talaga ang kaluwalhatian? Ano ang ibig sabihin ng bababa kayo sa kaluwalhatian na kasama Ko? Ang kabuuan Ko—iyon ay, kung ano Ako at kung ano ang mayroon Ako, awa at mapagmahal na kabaitan (sa Aking mga anak), at katuwiran, kamahalan, paghatol, poot, pagsumpa at pagsunog (sa lahat ng tao)—ang Aking persona ay kaluwalhatian. Bakit Ko sinasabing may walang hanggang kaluwalhatian sa Akin? Ito ay dahil sa Akin, may karunungang walang hanggan at walang katumbas na kasaganahan. Samakatuwid, ang ibig sabihin ng pagbaba sa kaluwalhatian na kasama Ako ay nagawa Ko na kayong ganap, taglay na ninyo kung sino Ako at kung ano ang mayroon Ako, nagawa Ko na kayong ganap, kayo ay may pusong takot sa Akin, at hindi ninyo Ako kinakalaban; Tiyak na ito ay malinaw na sa inyo ngayon!
Ang maigting na sitwasyon ng lahat ng bansa sa lupa ay umabot na sa rurok, at lahat sila ay patuloy na naghahanda upang magbigay ng serbisyo para sa Akin at tanggapin ang hatid Kong pagsunog sa kanila. Kapag dumating ang Aking poot at pagsunog hindi magkakaroon ng mga paunang pahiwatig. Gayunpaman, alam Ko kung ano ang ginagawa Ko at lubos na malinaw ito sa Akin. Dapat nakatitiyak kayo tungkol sa mga salita Ko at dapat kayong magmadali na ihanda ang lahat. Maghandang pastulin yaong mga darating na naghahanap mula sa ibang bansa. Tandaan ito! Ang Tsina—iyon ay ang bawat isang tao at lugar sa loob ng Tsina—ay dumaranas ng mga sumpa Ko; nauunawaan ba ninyo ang kahulugan ng mga salita Ko?