Kabanata 87

Dapat ninyong bilisan ang inyong hakbang at gawin ang ibig Kong magawa—ito ang nilalayon Ko para sa inyo nang may labis na pananabik. Maaari kaya na hanggang ngayon ay hindi pa rin ninyo naunawaan ang kahulugan ng Aking mga salita? Maaari kaya na hindi pa rin ninyo nalalaman ang Aking intensyon? Nakapagsalita na Ako nang higit at higit pang malinaw, at nagsalita nang higit at higit pa, nguni’t wala pa rin kayong ginawang pagsisikap upang maarok ang kahulugan ng Aking mga salita? Satanas, huwag isipin na kaya mong wasakin ang Aking plano! Yaong mga gumagawa ng serbisyo para kay Satanas—ibig sabihin ay ang mga supling ni Satanas (tumutukoy ito sa mga inaalihan ni Satanas, na, sa gayon, ay tiyak na may buhay ni Satanas, at kaya sinasabing mga supling ni Satanas)—ay nagmamakaawa sa paanan Ko, tumatangis at nagngangalit ang mga ngipin. Gayunpaman, hindi Ko gagawin ang gayong kahangal na bagay! Mapapatawad Ko ba si Satanas? Makapagdudulot ba Ako ng kaligtasan kay Satanas? Imposible iyan! Ginagawa Ko ang sinasabi Ko, at hindi Ko kailanman pagsisisihan ito!

Anumang sabihin Ko ay nagsisimulang umiral. Hindi ba ganoon? Magkagayunman, patuloy kayong hindi nagtitiwala sa Akin, pinagdududahan ang Aking mga salita, at iniisip na nakikipagbiruan lang Ako sa inyo. Sadyang katawa-tawa lang ito. Ako ang Diyos Mismo! Nauunawaan ba ninyo? Ako ang Diyos Mismo! Kung hindi Ako nagtaglay ng anumang karunungan at kapangyarihan, basta Ko lang ba magagawa at masasabi ang gusto Ko? Gayunma’y hindi pa rin ninyo Ako pinagkakatiwalaan. Paulit-ulit Ko nang ipinagdiinan sa inyo ang mga bagay na ito, at muli’t muling nasabi Ko na ang mga ito sa inyo. Bakit ba hindi pa rin naniniwala ang karamihan sa inyo? Bakit nagkikimkim pa rin kayo ng mga pagdududa? Bakit kayo nangungunyapit nang husto sa sariling mga kuru-kuro? Maililigtas ka ba ng mga ito? Ginagawa Ko ang sinasabi Ko. Nasabi Ko na sa inyo nang ilang beses: Ituring na totoo ang Aking mga salita, at huwag magduda. Sineryoso na ba ninyo ang mga ito? Sa ganang sarili, wala kang magagawa, nguni’t hindi mo magawang maniwala sa kung ano ang ginagawa Ko. Ano ang masasabi sa gayong tao? Sa totoo lang, ito ay tila ba hindi Ko kayo nilikha kailanman. Sa madaling salita, hindi ka karapat-dapat, sa bawa’t kaparaanan, na maging taga-serbisyo para sa Akin. Dapat paniwalaan ng lahat ang Aking mga salita! Dapat makapasa sa pagsubok ang lahat; hindi Ko hahayaang makalusot ang sinuman. Mangyari pa, hindi kasama rito yaong mga naniniwala. Tiyak na tatanggap ng Aking mga pagpapala ang mga taong nagtitiwala sa Aking mga salita, na ipagkakaloob sa iyo at tutuparin sa iyo ayon sa kung ano ang iyong pinaniniwalaan. Aking mga panganay na anak! Sinisimulan Ko na ngayong ibigay sa inyo ang lahat ng Aking pagpapala. Paunti-unti, sisimulan ninyong iwaksi ang lahat ng yaong kinamumuhiang gapos ng laman: pag-aasawa, pamilya, pagkain, pananamit, pagtulog, at lahat ng likas na sakuna (hangin, araw, ulan, nagngangalit na mga unos, ang paghihirap dahil sa pag-ulan ng niyebe, at lahat ng iba pang bagay na kinamumuhian ninyo). Maglalakbay kayo sa ibayong mga karagatan, sa ibabaw ng lupa, at sa himpapawid nang hindi naaapektuhan ng anumang paghihigpit ng espasyo, panahon, o heograpiya, lubusang nagpapakasaya sa Aking mapagmahal na yakap at nangangasiwa sa lahat sa ilalim ng Aking magiliw na kalinga.

Sinong hindi ipinagmamalaki ang mga panganay na anak na nagawa Ko nang ganap? Sinong hindi magpupuri sa pangalan Ko alang-alang sa kanila? Bakit nais Ko ngayong ihayag sa inyo ang napakaraming hiwaga? Bakit ngayon, at hindi sa nakaraan? Ito mismo ay isa ring hiwaga; alam mo ba iyan? Bakit hindi Ko binanggit sa nakaraan na ang Tsina ay isang bansang naisumpa Ko na? At bakit hindi Ko inihayag yaong gumagawa ng serbisyo para sa Akin? Ngayon, sasabihin Ko rin ito sa inyo: Ngayon, sa Aking palagay, naisakatuparan na ang lahat, at sinasabi Ko ito hinggil sa Aking mga panganay na anak. (Dahil ngayon, kaagapay Kong naghari ang Aking mga panganay na anak—at hindi lang nahubog na, subali’t talagang naghaharing kasama Ko. Sa kasalukuyan, yaong ginagawaan ng Banal na Espiritu ang tiyak na kaagapay Kong naghahari—at inihahayag ito ngayon; hindi kahapon, at hindi bukas.) Ngayon ay inihahayag Ko ang lahat ng Aking hiwaga sa normal na pagkatao, sapagka’t ang mga taong nais Kong ihayag ay naihayag na, at ito ang Aking karunungan. Sumulong na ang Aking gawain sa hakbang na ito: Ibig sabihin, sa puntong ito, dapat Kong ipatupad ang plano ng mga atas administratibo na napagpasyahan Ko na nauukol lamang sa panahong ito. Dahil dito, iginagawad Ko ang angkop na mga pagpapatunay sa Aking mga panganay na anak, sa mga anak na lalaki, sa bayan, at sa mga taga-serbisyo, sapagka’t may awtoridad Ako at magpapalabas ng paghatol, at mamumuno Ako nang may tungkod na bakal. Sinong nangangahas na masuwaying gumawa ng serbisyo para sa Akin? Sinong nangangahas na magreklamo sa Akin? Sinong mangangahas na magsabing hindi Ako ang Diyos ng katuwiran? Alam Ko, matagal nang naihayag sa Aking harapan ang inyong maka-demonyong kalikasan: Nakararamdam kayo ng panibugho at pagkamuhi sa sinuman na naging mabuti Ako. Ito ay lubos na kalikasan ni Satanas! Mabuti Ako sa Aking mga anak; mangangahas ka bang magpahayag na hindi Ako matuwid? Mapalalayas kita nang tuluyan, nguni’t sa kabutihang-palad, gumagawa ka ng serbisyo para sa Akin, at hindi ngayon ang panahon; kung hindi, pinalayas na sana kita!

Mga kauri ni Satanas! Tigilan ang pagiging mababangis! Huwag nang magsalita pa! Huwag nang kumilos pa! Nagsimula nang maisakatuparan ang Aking gawain sa Aking hinirang na mga anak na lalaki at bayan, at lumalaganap na ito sa lahat ng bansa, lahat ng denominasyon, lahat ng relihiyon, at lahat ng katayuan sa pamumuhay sa labas ng Tsina. Bakit ba yaong nagbibigay ng serbisyo sa Akin ay palaging espirituwal na nahahadlangan? Bakit wala silang espirituwal na pang-unawa kahit kailan? Bakit ba hindi kailanman gumagawa ang Aking Espiritu sa mga taong ito? Sa pangkalahatang pagsasabi, hindi Ko makakayang basta gumugol ng napakalaking pagsisikap sa mga hindi Ko naitalaga o nahirang na. Lahat ng Aking naunang pagdurusa, at lahat ng Aking mabusising pagkalinga at mga pagsisikap, ay para sa kapakanan ng Aking mga panganay na anak at sa isang maliit na bahagi ng mga anak na lalaki at bayan; bukod pa rito, nagawa Ko ang mga bagay na ito upang ang Aking gawain sa hinaharap ay matapos nang walang sagabal at nang hindi mahadlangan ang Aking kalooban. Sapagka’t Ako ang marunong na Diyos Mismo, nakagawa na Ako ng angkop na mga pagsasaayos para sa bawa’t hakbang. Wala akong pagsisikap na panatilihin ang sinumang tao (nakatuon ito sa mga hindi hinirang o itinalaga), o ibagsak na lang ang sinuman (nakatuon ito sa mga hinirang at itinalaga): Ito ang Aking atas administratibo, na hindi mababago ng sinuman! Sa Aking mga kinamumuhian, malupit Ako; sa Aking mga minamahal, mapagbantay at mapangalaga Ako. Kaya’t ginagawa Ko ang sinasabi Ko (silang hinihirang Ko, ang hinirang, at silang itinatalaga Ko, ang itinalaga; ang mga ito ang Aking mga gawain na naisaayos Ko na bago pa ang paglikha).

Sinong makapagbabago ng Aking puso? Maliban sa Aking pagkilos ayon sa mga planong ginagawa Ko ayon sa nais Ko, sinong mangangahas na kumilos nang padalus-dalos at hindi sumunod sa Aking mga utos? Ang lahat ng ito ang Aking mga atas administratibo; sinong mangangahas na alisin ang isa man sa mga ito mula sa Akin? Dapat na nasa Aking pag-uutos ang lahat. Sinasabi ng ilang tao na nagdusa nang napakalaki ang isang partikular na tao, at matapat at dalisay na nagsasaalang-alang sa Aking puso. Bakit, kung gayon, hindi Ko siya hinirang? Ito rin ay Aking atas administratibo. Kung sabihin Ko na ang isang tao ay kaayon ng Aking mga intensyon, ang taong iyon ay kaayon ng mga intensyon Ko at minamahal Ko; kung sabihin Ko na ang isang tao ay anak ni Satanas, ang taong iyon ay isang kinamumuhian Ko. Huwag magpalakas kahit kanino! Talaga bang makikita mo ang loob ng taong iyon? Lahat ng mga bagay na ito ay pinagpasyahan Ko. Ang anak ay lalaging anak, at si Satanas ay lalaging si Satanas; sa madaling salita, hindi nagbabago ang kalikasan ng tao. Maliban kung pagbaguhin Ko sila, susundan ng lahat ang kanilang sariling uri, at hindi nababago!

Inihahayag Ko sa inyo ang Aking mga hiwaga habang sumusulong ang Aking gawain. Talaga bang alam ninyo kung sa aling hakbang na sumulong ang Aking gawain? Talaga bang susunod kayo sa pangunguna ng Aking Espiritu, upang gawin ang Aking ginagawa at sabihin ang Aking sinasabi? Bakit Ko binabanggit na ang Tsina ay isang bansa na naisumpa Ko na? Unang-una, nilikha Ko ang mga Tsino ngayon sa Aking larawan. Wala silang espiritu, at sa pasimula, ginawa silang tiwali ni Satanas at hindi maililigtas. Kaya nagalit Ako sa mga taong ito at isinumpa sila. Kinamumuhian Ko sa lahat ang mga taong ito, at nagagalit Ako mabanggit lamang sila, sapagka’t sila ang mga anak ng malaking pulang dragon. Ipinagugunita nito ang kapanahunan nang nasakop na ang Tsina ng mga bayan ng mundo. Ganito pa rin ito hanggang ngayon, at itong lahat ay sumpa Ko—ang Aking pinakamakapangyarihang paghatol laban sa malaking pulang dragon. Panghuli, gumawa Ako ng isa pang uri ng mga tao, itinalaga Ko sa kanilang loob ang Aking mga panganay na anak, Aking mga anak na lalaki, Aking bayan, at yaong nagbibigay ng serbisyo para sa Akin. Samakatuwid, ang lahat ng ginagawa Ko ngayon ay matagal Ko nang naisaayos. Bakit paulit-ulit kayong inuusig at sinisiil ng mga nasa kapangyarihan sa Tsina? Ito ay dahil hindi natutuwa ang malaking pulang dragon sa Aking sumpa, at lumalaban sa Akin. Gayunman, sa ilalim mismo ng ganitong uri ng pag-uusig at pagbabanta na ginagawa Kong ganap ang Aking mga panganay na anak, upang makapagbigay ito ng isang malakas na ganting salakay laban sa malaking pulang dragon at sa mga anak nito. Kalauna’y aayusin Ko ang mga ito. Ngayon, pagkaraang makinig sa Aking mga salita, totoo bang nauunawaan ninyo ang kahalagahan ng Aking pagpapahintulot sa inyo na magharing kaagapay Ko? Ang sandaling sabihin Ko na ang malaking pulang dragon ay lubusan nang naisadlak sa kamatayan nito ay ang sandali rin kung kailan ang Aking mga panganay na anak ay naghaharing kasama Ko. Ang pang-uusig ng malaking pulang dragon sa mga panganay na anak ay tumutulong nang malaki sa Akin, at kapag ang Aking mga anak na lalaki ay nasa hustong gulang na at kaya nang pangasiwaan ang mga gawain ng Aking tahanan, ang masasamang tagapagsilbi na iyon (ang mga taga-serbisyo) ay isasaisantabi. Sapagka’t ang Aking mga panganay na anak ay makapaghahari nang kasama Ko at maisasakatuparan ang Aking mga intensyon, isa-isa Kong isasadlak ang mga taga-serbisyo sa lawa ng apoy at asupre: Kailangan nilang umalis, anuman ang mangyari! Lubusan Kong nababatid na ang mga kauri ni Satanas ay ibig ring magtamasa ng Aking mga pagpapala, at hindi hangad na bumalik sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas; gayunman, may mga atas administratibo Ako, na dapat sundin ng lahat at dapat maisakatuparan—at walang sinuman ang hindi masasaklaw nito. Kalaunan, isa-isa Kong sasabihin sa inyo ang Aking mga atas administratibo, upang maiwasang labagin ninyo ang mga ito.

Sinundan: Kabanata 86

Sumunod: Kabanata 88

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito