Kabanata 81
Napakasama at napakamapangalunya ng matandang kapanahunan ito! Lalamunin kita! Bundok ng Sion! Bumangon upang Ako’y ipagbunyi! Para sa kaganapan ng Aking planong pamamahala, para sa matagumpay na kaganapan ng Aking dakilang gawain, sinong nangangahas na hindi bumangon at magsaya! Sinong nangangahas na hindi bumangon at tumalon sa galak nang walang humpay? Mamamatay sila sa Aking mga kamay! Isinasakatuparan Ko ang pagkamakatuwiran sa lahat, wala ni katiting na awa o kabutihang-loob, at ginagawa Ko iyon nang wala ni anumang damdamin. Lahat ng tao! Bumangon kayo upang magpuri at luwalhatiin Ako! Lahat ng walang-katapusang luwalhati, mula sa kawalang-hanggan hanggang sa kawalang-hanggan, ay umiiral dahil sa Akin at itinatag sa pamamagitan Ko. Sino ang mangangahas na kunin ang luwalhati para sa kanyang sarili? Sino ang mangangahas na ituring ang Aking luwalhati bilang isang materyal na bagay? Papaslangin sila ng Aking kamay! O, malulupit na tao! Ako ang lumikha sa inyo at nagtustos sa inyo, at pinamunuan Ko kayo hanggang sa araw na ito, gayunma’y hindi ninyo Ako kilala nang kahit kaunti at hindi man lamang ninyo Ako minamahal. Paano Ako muling makakapagpakita ng habag sa inyo? Paano Ko kayo maililigtas? Maaari Ko lamang kayong tratuhin sa pamamagitan ng Aking poot! Susuklian Ko kayo ng pagkawasak at ng walang-hanggang pagkastigo. Ito ang pagkamakatuwiran; ito lamang ang natatanging paraan.
Ang Aking kaharian ay buo at matatag; hindi ito kailanman guguho. Iiral ito hanggang sa kawalang-hanggan! Ang Aking mga anak, ang Aking mga panganay na anak, at ang Aking bayan ay magtatamasa ng mga pagpapala kasama Ko magpakailan pa man! Ang mga walang espirituwal na pang-unawa at hindi tumatanggap ng mga pahayag mula sa Banal na Espiritu ay aalisin mula sa Aking kaharian sa malao’t madali. Hindi sila aalis sa kanilang kagustuhan kundi sapilitang palalabasin sa pamamagitan ng alituntunin ng Aking bakal na pamalo at ng Aking kamahalan; gayundin, sila ay sisipain ng Aking paa. Sila na dating sinapian ng masasamang espiritu sa ilang panahon (ibig sabihin, simula sa pagkasilang) ay mabubunyag lahat ngayon. Sisipain kita palabas! Natatandaan pa ba ninyo ang nasabi Ko na? Ako—ang banal at walang-bahid na Diyos—ay hindi nananahan sa isang mabaho at maruming templo. Alam iyon ng mga sinapian ng masasamang espiritu sa kanilang mga sarili at hindi Ko na kailangang linawin pa. Hindi kita itinalaga! Ikaw ay matandang Satanas, subalit nais mong pasukin ang Aking kaharian! Hinding-hindi! Sinasabi Ko sa iyo! Ngayon ay gagawin Kong napakalinaw para sa iyo: Sila na pinili Ko sa panahon ng paglikha ng sangkatauhan ay pinuspos Ko na ng Aking katangian at ng Aking disposisyon; samakatuwid, ngayon sila ay tapat lamang sa Akin, kaya nilang magdala ng pasanin para sa iglesia, at handa nilang gugulin ang kanilang mga sarili para sa Akin at ialay ang kanilang buong pagkatao sa Akin. Sila na hindi Ko pinili na samakatuwid ay ginawa nang tiwali ni Satanas hanggang sa isang tiyak na antas, at hindi sila nagtataglay ng Aking katangian at ng Aking disposisyon. Iniisip ninyo na magkakasalungat ang Aking mga salita, ngunit ang mga salitang “Kayo ay itinalaga at pinili Ko, gayunman ay dadalhin ninyo ang mga bunga ng inyong mga pagkilos” ay tumutukoy lahat kay Satanas. Ngayon, Aking ipapaliwanag ang isang punto: Ngayong araw na ito, sila na mga makakabangon at makakahawak ng awtoridad sa mga iglesia, makakaakay sa mga iglesia, makakapagsaalang-alang ng Aking pasanin, at makakatupad ng mga tanging tungkulin—wala ni isa sa mga taong iyon ang naglilingkod kay Cristo; silang lahat ay ang Akin nang itinalaga at pinili. Sinasabi Ko ito sa inyo para hindi kayo masyadong mabahala at maantala ang inyong pagsulong sa buhay. Ilan ang makakapagkamit ng katayuan ng mga panganay na anak? Maaari kaya itong maging kasing dali ng pagkuha ng isang diploma? Imposible! Kung hindi sa pagpeperpekto Ko sa inyo, matagal na sana kayong nagawang tiwali ni Satanas hanggang sa isang tiyak na antas. Ito ang dahilan kung bakit paulit-ulit Kong idinidiin na lagi Kong lilingapin at pangangalagaan ang mga tapat sa Akin at ipagtatanggol sila mula sa kapahamakan at pagdurusa. Ang mga hindi Ko naitalaga ay silang sinapian na ng masasamang espiritu; sila na mga manhid, mahina ang isip, at bansot sa espirituwal, at hindi kayang mag-akay ng mga iglesia (ibig sabihin sila na masigasig ngunit hindi tiyak tungkol sa mga pangitain). Dapat kang alisin kaagad sa Aking paningin, at kung mas maaga ay mas mabuti para hindi Ako mandiri at magalit sa pagkakita sa iyo. Kung mabilis kang makakalayo, mas kakaunting pagkastigo ang matatanggap mo, ngunit kung mas matatagalan ka, mas marahas ang magiging pagkastigo. Nauunawaan mo ba? Huwag maging masyadong makapal ang mukha! Ikaw ay walang-patumangga at hindi mapigil, hindi nag-iisip at walang-ingat, at walang ideya kung anong uri ka ng basura! Bulag ka!
Sila na humahawak ng kapangyarihan sa Aking kaharian ay maingat Kong piniling lahat at sumailalim sa paulit-ulit na mga pagsubok; walang sinuman ang makakatalo sa kanila. Binigyan Ko na sila ng lakas, kaya hindi sila kailanman babagsak o maliligaw. Nakamit na nila ang Aking pagsang-ayon. Mula sa araw na ito, ang mga mapagpaimbabaw ay magpapakita ng kanilang mga totoong kulay. May kakayahan silang gawin ang lahat ng klase ng mga kahiya-hiyang mga bagay, ngunit sa kahuli-hulihan ay hindi nila matatakasan ang Aking kamay na kumakastigo at sumusunog kay Satanas. Ang Aking templo ay magiging banal at walang-bahid. Lahat ng ito ay patotoo sa Akin, isang pagpapamalas sa Akin, at luwalhati sa Aking pangalan. Ang Aking templo ang Aking walang-hanggang tahanan at ang layon ng Aking walang-hanggang pag-ibig, malimit Ko itong hinahaplos gamit ang kamay ng pag-ibig, inaalo ito sa wika ng pag-ibig, inaalagaan ito sa mga mata ng pag-ibig, at niyayakap ito sa sinapupunan ng pag-ibig upang hindi ito mahulog sa mga bitag ng masasama o madaya ni Satanas. Ngayon, sila na nagbibigay ng paglilingkod sa Akin ngunit hindi nailigtas ay Aking gagamitin sa huling pagkakataon. Bakit Ako nagmamadaling alisin ang mga bagay na ito mula sa Aking kaharian? Bakit Ko sila dapat itaboy mula sa Aking paningin? Kinamumuhian Ko sila hanggang sa utak ng Aking mga buto! Bakit hindi Ko sila inililigtas? Bakit gayon na lamang ang Aking pagkasuklam sa kanila? Bakit dapat Ko silang patayin? Bakit kailangan Ko silang wasakin? (Wala ni katiting nila ang makakapanatili sa Aking paningin, kabilang ang kanilang mga abo.) Bakit? Maging ang malaking pulang dragon, ang sinaunang ahas, at matandang Satanas ay naghahangad ng di-nararapat na kabuhayan sa Aking kaharian! Huwag nang magpantasya! Lahat sila ay walang mararating at magiging mga abo!
Wawasakin Ko ang kapanahunang ito, babaguhin ito upang maging Aking kaharian, at mabubuhay at magtatamasa kasama ng mga taong Aking minamahal hanggang sa kawalang-hanggan. Ang maruruming bagay na iyon ay hindi dapat mag-isip na makakapanatili sila sa Aking kaharian. Iniisip ba ninyong makakapangisda kayo sa malabong katubigan? Kalimutan ang mga gayong pagpapantasya! Hindi ninyo alam na ang lahat ay nakikita ng Aking mga mata! Hindi ninyo alam na ang lahat ay iniayos ng Aking mga kamay! Huwag ninyong isipin na masyado kayong tinitingnan nang napakataas! Bawat isa sa inyo ay dapat lumagay sa dapat ninyong pagkalagyan. Huwag magkunwaring mapagkumbaba (tinutukoy Ko silang mga pinagpala) o manginig at matakot (tinutukoy Ko sila na nagdurusa ng kasawiampalad). Ngayon, dapat malaman ng mga tao mismo ang lahat sa loob ng kanilang mga puso. Kahit na hindi Ko binabanggit ang inyong pangalan dapat pa rin kayong makadama ng katiyakan, dahil itinuon Ko na ang Aking mga salita sa bawat indibiduwal. Kung kayo man ay Aking napili o hindi, ang Aking mga salita ay nakatuon sa lahat ng inyong kasalukuyang mga katayuan. Ibig sabihin niyan, kung kayo ay kasama sa Aking mga pinili, kung gayon nagsasalita Ako tungkol sa kalagayan ng Aking mga pinili batay sa kung papaano ninyo inilahad ang inyong mga sarili; para naman sa kanilang hindi kabilang sa Aking mga pinili, nagsasalita rin Ako ayon sa kanilang mga kalagayan. Samakatuwid, ang Aking mga salita ay sinabi hanggang sa isang punto; bawat isa sa inyo ay dapat magkaroon ng mabuting pang-unawa tungkol diyan. Huwag dayain ang inyong mga sarili! Huwag matakot! Dahil limitado lamang sa iilan ang bilang ng mga tao, walang bisa ang pandaraya! Sinumang sinasabi Ko na pinili ay pinili at gaano ka man kagaling magkunwari, kung wala ang Aking katangian ikaw ay mabibigo. Dahil tinutupad Ko ang Aking salita, hindi Ko basta na lamang sinisira ang Aking sariling mga plano; ginagawa Ko kung anuman ang gusto Kong gawin, dahil lahat ng ginagawa Ko ay tama. Ako ang pinakamataas, at Ako ay natatangi. Maliwanag ba ito sa inyo? Nauunawaan ba ninyo?
Ngayon, pagkatapos basahin ang Aking mga salita, sila na gumagawa ng masama at mga liko at mandaraya ay nagpapagal din para maghanap ng pag-unlad at gawin ang kanilang pansariling mga pagsisikap. Nais nilang magbayad ng maliit lamang na halaga upang unti-unting makagapang papasok sa Aking kaharian. Dapat nilang isantabi ang gayong mga pag-iisip! (Ang mga taong ito ay walang pag-asa dahil hindi Ko sila binigyan ng pagkakataong magsisi.) Binabantayan Ko ang pintuan ng Aking kaharian. Naniniwala ka ba na makakapasok ang mga tao sa Aking kaharian ayon sa kanilang kagustuhan? Naniniwala ka ba na basta na lamang tatanggapin ng Aking kaharian ang anumang uri ng patapong-bagay? Na kukunin ng Aking kaharian ang anumang uri ng basurang walang halaga? Nagkakamali ka! Ngayon, sila na nasa kaharian ay sila na kasama Kong humahawak ng makaharing kapangyarihan; maingat Ko silang pinagyaman. Ito ay isang bagay na hindi makakamit kung gugustuhin lamang; dapat mong makuha ang aking pagsang-ayon. Higit pa rito, hindi ito isang bagay na tinatalakay sa kahit sino; ito ay isang bagay na Ako Mismo ang nagsaayos. Anumang sabihin Ko ay siyang nangyayari. Ang Aking mga hiwaga ay ibinubunyag sa Aking mga minamahal. Sila na gumagawa ng masama—sila na hindi Ko pinili ay walang karapatang tumanggap ng mga iyon. Kahit pa marinig nila ang mga hiwagang iyon, hindi nila mauunawaan dahil tinakpan na ni Satanas ang kanilang mga mata at hinawakan ang kanilang mga puso upang sirain ang kanilang buong pagkatao. Bakit sinasabi na kamangha-mangha at marunong ang Aking mga pagkilos, at na pinakikilos Ko ang lahat ng bagay para maglingkod sa Akin? Ipapasa Ko kay Satanas ang mga hindi Ko itinalaga at pinili para parusahan at gawin silang tiwali; at hindi Ako ang magpaparusa sa kanila; ganito Ako karunong! Mayroon na bang nakaisip nito? Nang walang kahirap-hirap, ang Aking dakilang gawain ay natupad na, hindi ba?