77. Wala Kang Mapapala sa Paghahanap ng Ginhawa
Noong nakaraang Hulyo, inatasan akong mamahala sa gawaing pang-video. Noong simula, madalas kong sinisiyasat ang mga problema at paghihirap ng aking mga kapatid sa paggawa ng kanilang mga tungkulin, at hinahanap ang katotohanan kasama nila upang maghanap ng mga solusyon. Pagkalipas ng ilang panahon, nagkaroon ng malinaw na pagbuti sa mga resulta ng gawain. Naisip ko, “Ngayong tuloy-tuloy nang bumubuti ang gawain, tiyak na hindi na magkakaroon ng malalaking problema. Kahit na magkaproblema man, hindi nito maaapektuhan ang mga resulta ng gawain namin, at magkakaroon kami ng oras para lutasin ito.” Nakikitang lahat ay maagap sa kanilang mga tungkulin at kayang magbayad ng halaga, naisip kong hindi ko na kailangan pang masyadong mag-alala. Sa panahong iyon, ang pagsubaybay sa lahat ay madalas na nangangahulugan ng pagtulog nang gabing-gabi na, at minsan masyado akong abala para kumain sa tamang oras. Pagod na pagod ako, at hindi gaanong maganda ang lagay ng kalusugan ko, kaya naisip kong dapat hindi ako masyadong magpagod. Matapos niyon, nagsimula akong maging maluwag sa trabaho, at hindi na ako kasingsipag ng dati sa pagsubaybay rito. Minsan, nagtatanong lang ako nang walang interes, bihira kong siyasatin ang mga detalye ng mga tungkulin ng mga kapatid, at hindi ko inisip kung paano pa lalong mapapabuti ang mga resulta ng gawain namin.
Hindi nagtagal, nagkaproblema ang ilang video na ginawa namin at kailangang ulitin, na direktang nakaapekto sa pag-usad ng gawain. Nang makita ko ang sitwasyong ito, labis akong nag-alala. Napagtanto ko rin na hindi ito aksidenteng nangyari, at na may mga aral akong matututunan, kaya nagdasal ako sa Diyos, hinihiling sa Kanyang gabayan ako sa pag-unawa sa Kanyang kalooban. Matapos kong magdasal, tinanong ko ang lider ng grupo kung bakit kami nagkakaroon ng mga problemang iyon. Sabi ng lider ng grupo, “Naghanap ng madaliang tagumpay ang ilang kapatid at ginampanan nila ang kanilang mga tungkulin nang walang mga prinsipyo. Nakatuon lang sila sa pag-usad, hindi sa kalidad. Isa pang rason ay dahil hindi ko nasubaybayan ang gawain, at hindi ko natuklasan ang mga problema sa tamang oras.” Galit akong napaisip dahil dito, “Ilang beses ko na bang sinabi sa iyo ang mga problemang ito? Bakit nangyayari pa rin ang mga ito?” Gusto kong pagalitan ang lider ng grupo, pero naisip ko, “Hindi ba’t pareho lang kami ng problema ng lider ng grupo? Hindi rin ako nagsubaybay.” Kaya, nanahimik na lang ako. Tapos, agad kong tiningnan ang mga video na ginawa ng lahat noong panahong iyon at nakita ko na hindi nakausad ang ilang tao sa kanilang mga tungkulin, at ang iba ay umurong pa nga. Kitang-kita ang mga problemang ito, paanong hindi ko natuklasan ang mga ito noon? Malinaw kong alam na dahil ito sa hindi ko paggawa ng praktikal na gawain. Nakadama ako ng pagsisisi, kaya nagdasal ako sa Diyos, hinihiling sa Kanyang gabayan ako sa aking pagninilay at pagkilala sa aking sarili.
Kinabukasan, sa aking mga debosyonal, nabasa ko ang isang sipi ng salita ng Diyos: “Kung hindi ka matiyagang magbasa ng mga salita ng Diyos, at hindi mo nauunawaan ang katotohanan, hindi ka makakapagnilay sa iyong sarili; masisiyahan ka na lamang sa paggawa ng munting pagsisikap at hindi paggawa ng mga kasamaan at mga paglabag, at gagamitin ito bilang kapital. Palilipasin mo ang bawat araw na naguguluhan, namumuhay nang nalilito, ginagawa lamang ang mga bagay sa takdang oras, hindi kailanman ginagamit ang iyong puso upang pagnilay-nilayan ang iyong sarili at pagsikapan ang pagkilala sa iyong satili, at palagi kang magiging pabigla-bigla at nagmamadali. Sa ganitong paraan, hindi mo kailanman magagampanan ang iyong tungkulin sa katanggap-tanggap na pamantayan. Para maibuhos ang lahat ng pagsisikap mo sa isang bagay, dapat mo munang ilagay ang buong puso mo roon; kapag inilagay mo muna ang buong puso mo sa isang bagay, saka mo lamang maibubuhos ang lahat ng pagsisikap mo roon, at magagawa ang lahat ng kaya mo. Ngayon, may mga nagsimula nang magtiyaga sa pagganap sa kanilang tungkulin, nagsimula na silang mag-isip kung paano maisasagawa nang maayos ang tungkulin ng isang nilalang upang mapalugod ang puso ng Diyos. Hindi sila negatibo at tamad, hindi sila pasibong naghihintay na magbigay ng mga utos ang Itaas, kundi may pagkukusa. Sa pagtingin sa pagganap ninyo sa inyong tungkulin, medyo mas epektibo kayo kaysa noon, at kahit wala pa rin sa pamantayan, nagkaroon na ng kaunting paglago—na mabuti. Pero hindi kayo dapat masiyahan sa kasalukuyang sitwasyon, dapat kayong patuloy na maghanap, patuloy na lumago—saka lamang ninyo magagampanan nang mas maayos ang inyong tungkulin, at maaabot ang katanggap-tanggap na pamantayan. Gayunpaman, kapag ginagampanan ng ilang tao ang kanilang tungkulin, hindi sila nagsisikap nang husto at hindi nila ibinibigay ang lahat-lahat nila, 50 hanggang 60 porsiyento lamang ng kanilang pagsisikap ang ibinibigay nila, at nasisiyahan na lamang doon hanggang sa matapos ang ginagawa nila. Hinding-hindi nila napapanatili ang isang normal na kalagayan: Kapag walang sinumang nagbabantay sa kanila o nag-aalok ng suporta, kumukupad sila at pinanghihinaan ng loob; kapag mayroong nagbabahagi ng katotohanan, sumisigla sila, pero kung matagal-tagal silang hindi nabahaginan ng katotohanan, nawawalan sila ng interes. Ano ang problema kapag palagi silang pabalik-balik nang ganito? Ganito ang mga tao kapag hindi pa nila natatamo ang katotohanan, namumuhay silang lahat ayon sa silakbo ng damdamin—isang silakbo ng damdamin na napakahirap panatilihin: Kailangan ay may nangangaral at nagbabahagi sa kanila araw-araw; kapag walang sinumang nagdidilig at tumutustos sa kanila, at walang sinumang sumusuporta sa kanila, nanlalamig ulit ang mga puso nila, kumukupad silang muli. At kapag nanghina ang mga puso nila, sila ay nagiging hindi gaanong epektibo sa kanilang tungkulin; kung mas nagsisikap sila, nadaragdagan ang pagiging epektibo nila, mas bumubuti ang mga resulta nila sa pagganap ng kanilang mga tungkulin, at mas marami silang nakakamit. Ito ba ang karanasan ninyo? Maaari ninyong sabihing, ‘Bakit lagi kaming nagkakaproblema sa pagganap sa tungkulin namin? Kapag nalulutas ang mga problemang ito, sumisigla kami; kapag hindi, nawawalan kami ng interes. Kapag may kaunting resulta kapag ginagampanan namin ang aming tungkulin, kapag pinupuri kami ng Diyos sa aming paglago, natutuwa kami, at nadarama namin na lumago na rin kami sa wakas, pero kalaunan, kapag naharap kami sa isang paghihirap, nagiging negatibo kami ulit—bakit palaging pabago-bago ang kalagayan namin?’ Sa katunayan, ang mga pangunahing dahilan ay na lubhang kakaunti ang mga katotohanang nauunawaan ninyo, walang lalim ang inyong mga karanasan at pagpasok, hindi pa rin ninyo nauunawaan ang maraming katotohanan, wala kayong pagkukusa, at nasisiyahan na kayo na nagagampanan ninyo ang inyong tungkulin. Kung hindi ninyo nauunawaan ang katotohanan, paano ninyo magagampanan nang sapat ang inyong tungkulin? Ang totoo, ang hinihingi ng Diyos sa mga tao ay kayang gawing lahat ng mga tao; basta’t ginagamit ninyo ang inyong konsiyensiya, at nagagawa ninyong sundin ang dikta ng inyong konsiyensiya sa pagganap sa inyong tungkulin, magiging madaling tanggapin ang katotohanan—at kung matatanggap ninyo ang katotohanan, magagampanan ninyo nang sapat ang inyong tungkulin. Dapat kayong mag-isip sa ganitong paraan: ‘Sa paniniwala sa Diyos sa mga taon na ito, sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos sa mga taon na ito, napakalaki ng nakamtan ko, at napagkalooban ako ng Diyos ng malalaking biyaya at pagpapala. Namumuhay ako sa mga kamay ng Diyos, namumuhay ako sa ilalim ng Kanyang kapamahalaan at kataas-taasang kapangyarihan, at ibinigay Niya sa akin ang hiningang ito, kaya dapat kong gamitin ang aking isipan, at magsikap gampanan ang aking tungkulin nang buo kong lakas—ito ang mahalaga.’ Dapat magkaroon ng pagkukusa ang mga tao; iyon lamang mga may pagkukusa ang maaaring tunay na magsikap para sa katotohanan, at kapag naunawaan nila ang katotohanan, saka lamang nila magagampanan nang maayos ang kanilang tungkulin, at mapapalugod ang Diyos, at maghahatid ng kahihiyan kay Satanas. Kung mayroon kang ganitong klaseng sinseridad, at hindi ka nagpaplano para sa sarili mong kapakanan, kundi para magtamo lamang ng katotohanan at magampanan nang maayos ang iyong tungkulin, magiging normal ang pagganap mo sa iyong tungkulin, at mananatiling di-nagbabago sa kabuuan; anumang sitwasyon ang makaharap mo, mapupursigi mong gampanan ang iyong tungkulin. Kahit sino ang dumating para iligaw o guluhin ka, at maganda o masama man ang lagay ng loob mo, magagampanan mo pa rin nang normal ang iyong tungkulin. Sa ganitong paraan, mapapanatag ang isipan ng Diyos tungkol sa iyo, at mabibigyang-liwanag ka ng Banal na Espiritu sa pag-unawa sa mga katotohanang prinsipyo, at magagabayan ka sa pagpasok sa katotohanang realidad, at dahil dito, siguradong aabot sa pamantayan ang pagganap mo sa iyong tungkulin. Basta’t taos kang gumugugol para sa Diyos, gumagawa ng iyong tungkulin sa praktikal na paraan, at hindi ka kumikilos nang tuso o nanloloko, magiging katanggap-tanggap ka sa Diyos. Inoobserbahan ng Diyos ang mga isipan, saloobin, at motibo ng mga tao. Kung ang puso mo ay nananabik sa katotohanan at kaya mong hanapin ang katotohanan, bibigyang-liwanag at tatanglawan ka ng Diyos” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pananalig sa Diyos, ang Pinakamahalaga ay Isagawa at Danasin ang Kanyang mga Salita). Matapos pagmuni-munihan ang salita ng Diyos, nagnilay ako sa sarili ko at napagtanto kong nagkamit ako ng ilang resulta sa tungkulin ko kamakailan, kaya nagsimula akong makontento sa sarili ko at nagsimulang isaalang-alang ang aking laman. Pagod na ako matapos maging abala nang napakatagal, kaya naisip kong dapat maging mas mabait ako sa aking sarili, at nagsimula akong maging maluwag at tamad sa aking tungkulin. Hindi ako naging mahigpit at nabigo akong alamin sa tamang oras kung paano ginagampanan ng iba ang mga tungkulin nila. Kahit na alam kong mayroon pa ring ilang problema na dapat lutasin sa gawain namin, hindi ako nakadama ng pagmamadali. Akala ko ayos lang ito basta hindi nito naaapektuhan ang mga kasalukuyang resulta namin. Ang lahat ay may gawing iraos lang ang gawain at magpakatamad sa kanilang mga tungkulin, pero kahit ganoon, hindi ako nagsubaybay, iniraos ko lang ang aking tungkulin, at naging pabaya ako at iresponsable. Paanong hindi magkakaroon ng mga problema sa gawain? Binigyan ako ng iglesia ng pagkakataong magsagawa at pinahintulutan akong maging isang superbisor sa pag-asang magiging maasikaso ako at responsable sa aking tungkulin, na gagawin ko ang lahat ng makakaya ko sa aking tungkulin, at tutuparin ang aking mga responsibilidad. Ito lang ang paraan para makasulong. Pero tinrato ko ang aking tungkulin na para bang isa itong trabaho, at na nagtatrabaho ako para sa ibang tao. Sinamantala ko ang bawat pagkakataon para bawasan ang pag-aalala ko at ang ambag ko. Hindi ako nakaramdam ng pag-aalala o pagmamadali. Hindi ko inisip kailanman kung paano lalong mapabubuti ang mga bagay-bagay o makakamit ang pinakamagagandang resulta. Inisip ko lang kung paano mababawasan ang pagdurusa ko at paano ako hindi mapapagod. Hindi ko man lang isinaalang-alang ang kalooban ng Diyos. Noon ko napagtanto na mali ang saloobin ko ukol sa pagtupad ng aking tungkulin at niloloko ko ang Diyos.
Sa isang pagtitipon, nakita ko ang isang sipi ng salita ng Diyos na nagbubunyag ng mga huwad na lider na labis na nakaantig sa akin. Sabi ng mga salita ng Diyos: “Dahil hindi nauunawaan ng mga huwad na lider ang estado ng pagsulong ng gawain, hindi nila kayang matukoy kaagad—lalo nang hindi nila kayang malutas—ang mga problemang lumilitaw rito, na madalas humahantong sa paulit-ulit na mga pagkaantala. Sa ilang gawain, dahil hindi naiintindihan ng mga tao ang mga prinsipyo at walang sinumang angkop na maging responsable para dito o mamahala rito, ang mga nagsasagawa ng gawain ay kadalasang negatibo, walang ginagawa, at naghihintay, na lubhang nakakaapekto sa pagsulong ng gawain. Kung natupad ng lider ang kanyang mga responsabilidad—kung pinamahalaan niya ang gawain, isinulong ito, pinangasiwaan ito, at nakahanap ng isang taong nakakaunawa sa larangang iyon para patnubayan ang proyekto, sumulong sana nang mas mabilis ang gawain kaysa dumanas ng paulit-ulit na mga pagkaantala. Kung gayon, para sa mga lider, mahalagang maunawaan at maintindihan ang totoong sitwasyon ng gawain. Siyempre pa, talagang kinakailangan din na maunawaan at maintindihan ng mga lider kung paano sumusulong ang gawain, sapagkat ang pagsulong ay nauugnay sa kahusayan ng gawain at mga resulta na dapat nitong makamtan. Kung ang mga lider at manggagawa ay walang pagkaunawa sa kung paano umuusad ang gawain ng iglesia, at hindi nila sinusubaybayan o pinangangasiwaan ang mga bagay, kung gayon, tiyak na magiging mabagal ang pag-usad ng gawain ng iglesia. Ito ay dahil sa katunayan na ang karamihan sa mga taong gumaganap ng mga tungkulin ay talagang mga tamad, walang pagpapahalaga sa pasanin, madalas na negatibo at pasibo, at mapagwalang-bahala. Kung walang sinuman ang may pagpapahalaga sa pasanin at walang kakayahan sa gawain na partikular na umaako sa responsabilidad ng gawain, napapanahon na inaalam ang tungkol sa pag-usad ng gawain, at pinapamahalaan, pinangangasiwaan, dinidisiplina, at hinaharap ang mga tauhang gumaganap ng mga tungkulin, kung gayon ay likas na magiging napakababa ng antas ng kahusayan sa gawain at walang magiging resulta sa gawain. Kung hindi man lang ito malinaw na makikita ng mga lider at manggagawa, sila ay mga hangal at bulag. Kaya naman, ang mga lider at manggagawa ay dapat na agad na magsiyasat, magsubaybay, at maging pamilyar sa pag-usad ng gawain, magsiyasat kung anong mga problema ng mga taong gumaganap ng mga tungkulin ang kailangang malutas, at unawain kung aling mga problema ang dapat lutasin para magkamit ng mas magagandang resulta. Napakahalaga ng lahat ng bagay na ito, dapat maging malinaw ang mga bagay na ito sa isang taong kumikilos bilang lider. Upang magawa nang maayos ang iyong tungkulin, hindi ka dapat tumulad sa isang huwad na lider, na gumagawa ng mababaw na gawain, at pagkatapos ay iisipin niyang nagawa niya nang maayos ang kanyang tungkulin. Walang ingat at pabaya ang mga huwad na lider sa gawain nila, wala silang pagpapahalaga sa responsabilidad, hindi nila nilulutas ang mga problema kapag lumilitaw ang mga ito, at kahit ano pang gawain ang ginagawa nila, mababaw lang nila iyong naiintindihan. Pabasta-basta sila; nagsasabi sila ng magaganda ngunit walang kabuluhang mga salita, bumubulalas ng mga doktrina, at iniraraos lang nila ang kanilang gawain. Sa pangkalahatan, ito ang paraan ng paggawa ng mga huwad na lider. Bagama’t kung ikukumpara sa mga anticristo, walang ginagawang napakabuktot ang mga huwad na lider at hindi sadyang gumagawa ng masama, kung titingnan mo ang pagiging epektibo ng kanilang gawain, patas na tukuyin sila bilang walang ingat at pabasta-basta, hindi nagdadala ng pasanin, walang pagpapahalaga sa responsabilidad o katapatan sa kanilang gawain” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 4). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, nakonsensya talaga ako. Hindi ba’t ang asal ko ay kapareho ng sa isang huwad na lider? Tamad ako at mapagpalayaw sa aking laman, at hindi ko sinubaybayan o binantayan ang gawain, na malubhang nakaapekto sa pangkalahatang pagsulong at mga resulta ng aming gawain. Ayon sa imahinasyon ko ay maayos na naaasikaso ang gawain at walang masyadong problema, pero ang totoo, marami pa ring problema na dapat lutasin. Dahil hindi ako nagdala ng pasanin at naging iresponsable, naging bulag ako sa lahat ng problema namin. Sa pamamagitan ng pagninilay, napagtanto ko rin na mali ang aking pananaw. Nang makita kong maagap ang mga kapatid at nakasusulong sa kanilang mga tungkulin, inakala ko na lahat ay ganadong-ganado sa kanilang mga tungkulin at hindi kailangang bantayan. Noon pa inihayag ng salita ng Diyos na ang mga tao ay may katamaran at lahat ng kanilang tiwaling disposisyon ay malalim na nakaugat. Bago makamit ng mga tao ang katotohanan, at bago mabago ang kanilang mga disposisyon, palagi nilang pinapalayaw ang laman at ninanasa ang ginhawa, iniraraos lang nila ang mga bagay-bagay at gumagamit sila ng katusuhan at mga panlilinlang sa kanilang mga tungkulin, at kung minsan ay kumikilos sila batay sa sarili nilang mga ideya at hindi nagsasagawa nang ayon sa mga prinsipyo. Hindi ako naiiba. Kung wala ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, at kung walang mga paalala at pangangasiwa ng ating mga kapatid, madali tayong magpapakatamad, at malamang na magkakaroon ng mga problema sa ating mga tungkulin. Kaya kailangan kong subaybayan at pangasiwaan ang gawain, pati na rin agad na tuklasin at lutasin ang mga problema at paglihis sa ating mga tungkulin para magpatuloy nang maayos ang gawain. Pero hindi ko naunawaan ang tiwaling kalikasan ng mga tao o natingnan ang mga tao at mga bagay ayon sa salita ng Diyos. Umasa lang ako sa sarili kong mga imahinasyon, hindi tiningnan o sinubaybayan ang gawain, hindi nilutas sa oras ang mga problema, pero naghangad pa rin ako ng magagandang resulta. Isa itong pagpapamalas ng isang huwad na lider na hindi gumagawa ng praktikal na gawain. Kahit na hindi ako gumawa ng maliwanag na kasamaan, ang pagiging iresponsable ko ay nakaapekto at nakaantala sa gawain, at ang kawalan na iyon ay hindi na maibabalik. Nang mapagtanto ko ang mga bagay na ito, nagtapat ako at nakipagbahaginan sa aking mga kapatid tungkol sa kalagayan ko. Tinukoy ko rin kung paanong hindi sineryoso ng lahat ang kanilang mga tungkulin at nabigong hangaring makausad sa kanilang mga tungkulin, at sama-sama kaming naghanap ng mga solusyon. Pagkatapos niyon, naging medyo mas seryoso ako sa aking tungkulin. Tuwing matatapos ako sa gawain, pagninilayan ko kung mayroon bang mas ibubuti pa. Madalas kong subaybayan at siyasatin ang gawain, at nagkaroon ng kaunting pagbuti sa mga resulta namin.
Hindi nagtagal matapos iyon, nagkaroon kami ng problema sa paggawa ng mga video, at tinanong ako ng lider ng grupo kung mayroon ba akong anumang magagandang paraan o mungkahi. Hindi ko alam kung ano ang isasagot ko, kaya sabi ko, “Wala pa akong naiisip na magandang solusyon, kaya pag-isipan pa natin ito.” Pero pagkatapos niyon, hindi ako maagap na naghanap ng resolusyon sa problema dahil alam kong ang malagpasan ang paghihirap na ito ay hindi isang bagay na maaaring makamit sa pamamagitan lamang ng pagsasabi ng ilang salita. Kakailanganin kong maghanap ng impormasyon at magsaliksik, at kakain ito ng maraming oras at pagsisikap, at kakailanganin kong palaging sumubok ng mga bagay-bagay at suriin ang mga resulta. Mahirap masabi kung magtatagumpay ba ako sa huli. Kung hindi ito magtatagumpay, hindi ba’t masasayang lang ang lahat ng pinaghirapan ko? Habang lalo ko itong iniisip, lalo itong nagiging parang nakakatamad na trabaho. Naisip ko, “Hindi bale na, ayos naman na ang lagay ng mga bagay-bagay. Magaganda ang resulta ng gawain namin sa ngayon, kaya hindi naman agad kailangang lutasin ito.” At pagkatapos ay isinantabi ko na ang problema. Pero medyo nabalisa ako. Hindi naman sa wala akong paraan para lutasin iyon. Ang kailangan ko lang namang gawin ay mas magbayad pa ng kaunting halaga. Pagkatapos sinabi ng lider ng grupo, “Nahihirapan ang mga kapatid, at kailangan nating malutas ito.” Dahil sa paalala ng lider ng grupo, nagnilay ako. “Bilang superbisor, hindi ba’t ako ang dapat manguna sa pag-aasikaso ng mga paghihirap at sa paglutas ng mga problema ng mga tao? Pero kapag nakakakita ako ng mga paghihirap, iniiwasan ko ang mga iyon, at wala akong pagpapahalaga sa responsibilidad.” Nakonsensya ako, kaya nagdasal ako sa Diyos, “Diyos ko, kapag nahaharap ako sa mga paghihirap sa gawain, ayaw na ayaw kong magsikap at lagi kong isinasaalang-alang ang mga interes ng aking laman. Alam ko pong hindi ito naaayon sa kalooban Mo. Pakiusap, gabayan Mo ako sa pagninilay ko sa aking sarili at sa pagbabago ng mali kong kalagayan.”
Sa mga debosyonal ako, napaisip ako kung bakit palagi kong isinasaalang-alang ang laman ko sa aking tungkulin at kung bakit hindi ko kayang magbayad ng halaga upang gumawa ng praktikal na gawain. Isang araw, nabasa ko ang dalawang sipi ng mga salita ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ano ang lason ni Satanas? Paano ito maipapahayag? Halimbawa, kung magtatanong ka ng, ‘Paano dapat mamuhay ang mga tao? Para saan ba dapat nabubuhay ang mga tao?’ sasagot ang mga tao: ‘Ang bawat tao para sa kanyang sarili, bahala na ang iba.’ Ipinahahayag ng nag-iisang pariralang ito ang pinakaugat ng problema. Ang pilosopiya at lohika ni Satanas ay naging buhay na ng mga tao. Anuman ang hinahangad ng mga tao, ginagawa nila ito para sa kanilang sarili—kaya’t nabubuhay lamang sila para sa kanilang sarili. ‘Ang bawat tao para sa kanyang sarili, bahala na ang iba’—ito ang pilosopiya sa buhay ng tao, at kinakatawan din nito ang kalikasan ng tao. Naging kalikasan na ng tiwaling sangkatauhan ang mga salitang ito at ang mga ito ang tunay na larawan ng satanikong kalikasan ng tiwaling sangkatauhan. Ang satanikong kalikasang ito na ang naging batayan para sa pag-iral ng tiwaling sangkatauhan. Sa loob ng ilang libong taon, namuhay ang tiwaling sangkatauhan ayon sa kamandag na ito ni Satanas, hanggang sa kasalukuyang panahon” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Tahakin ang Landas ni Pedro). “Ang laman ng tao ay tulad ng ahas: Ang diwa nito ay ang mapinsala ang kanilang buhay—at kapag ito nga ay ganap na nagtagumpay, mawawala ang iyong buhay. Ang laman ay pagmamay-ari ni Satanas. Sa loob nito ay mayroong maluluhong pagnanasa, iniisip lamang nito ang sarili nito, nais nitong magtamasa ng kaginhawahan at magsaya sa paglilibang, magumon sa kakuparan at katamaran, at matapos itong bigyang-kasiyahan nang bahagya ay kakainin kayo nito sa bandang huli. Na ang ibig sabihin, kung bibigyang-kasiyahan ninyo ito ngayon, mas marami itong hihingin sa susunod. Lagi itong may maluluhong pagnanasa at mga bagong kahilingan, at sinasamantala ang iyong pagkabuyo sa laman upang gawin kang mas pahalagahan ito at mamuhay kasama ng mga ginhawa nito—at kung hindi mo ito madaraig, sisirain mo ang iyong sarili sa huli. Kung makakapagkamit ka ng buhay sa harap ng Diyos, at kung ano ang iyong magiging katapusan sa huli, ay nakasalalay sa kung paano mo isinasagawa ang iyong paghihimagsik laban sa laman. Iniligtas ka ng Diyos, at ikaw ay pinili at itinalaga, ngunit kung ngayon ay ayaw mo Siyang bigyang-kasiyahan, ayaw mong isagawa ang katotohanan, ayaw mong maghimagsik laban sa iyong sariling laman nang may tunay na mapagmahal-sa-Diyos na puso, sa bandang huli ay ipapahamak mo ang iyong sarili, at sa gayon ay magtitiis ng matinding sakit. Kung lagi kang nagpapabuyo sa laman, dahan-dahan kang lulunukin ni Satanas, at iiwan kang walang buhay, o haplos ng Espiritu, hanggang dumating ang araw na ganap nang madilim ang kalooban mo. Kapag nabubuhay ka sa kadiliman, nabihag ka na ni Satanas, hindi mo na taglay ang Diyos sa puso mo, at sa panahong iyon ay pabubulaanan mo ang pag-iral ng Diyos at iiwanan Siya” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagmamahal Lamang sa Diyos ang Tunay na Pananampalataya sa Diyos). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, nakita ko kung gaano kadelikado ang kalagayan ko. Namumuhay ako ayon sa satanikong pilosopiya na “Ang bawat tao para sa kanyang sarili, bahala na ang iba.” Napakamakasarili ko, at anuman ang mangyari, palagi kong inuunang isaalang-alang ang mga interes ng aking laman. Kapag nakakaharap ako ng problema na kailangang lutasin sa aking tungkulin, hindi ko kailanman iniisip kung paano mabibigyan ng pakinabang ang gawain ng iglesia. Palagi kong inaalala ang aking laman, at palagi kong gusto na hindi masyadong magdusa at hindi masyadong magbayad ng halaga. Ang totoo, para sa ilang problema, basta’t magbayad ako ng halaga at gumugol ng kaunting oras para pag-aralan at pag-isipan ang mga iyon, malulutas ko ang mga iyon, pero dahil labis kong pinapahalagahan ang laman ko at ayaw kong magdusa, pakiramdam ko ay masyadong nakapapagod sa isip ang propesyonal na pagsasaliksik. Bilang resulta, hindi kailanman nalutas ang problema, at hindi kailanman bumuti ang gawain. Inihahayag ng salita ng Diyos na ang laman ng mga tao ay pagmamay-ari talaga ni Satanas, at palaging maraming ninanasa at hinihingi ang laman. Habang lalo natin itong binibigyang-kasiyahan, lalong tumitindi ang pagnanasa nito, at kapag magkasalungat ang mga interes ng ating laman at ang ating mga tungkulin, kung palagi nating hinahangad ang ginhawa, susunod tayo sa laman, at isasantabi ang gawain ng iglesia. Binibigyang-kasiyahan nito ang laman, pero pinipinsala ang gawain ng iglesia, nagpapasadlak sa atin sa kadiliman, at sinisira ang ating mga buhay. Matindi ang mga kahihinatnan ng pagpapalayaw ng laman at paghahangad ng ginhawa. Hindi ko makita ang diwa ng laman, at palagi akong naghahangad ng ginhawa. Itinuring ko ang kasiyahan ng laman na mas mahalaga kaysa sa anupaman. Hindi ba’t ang mga paghahangad at pananaw ko ay kapareho ng sa mga hindi mananampalataya? Madalas sabihin ng mga hindi mananampalataya na “maging mabait ka sa iyong sarili,” na ibig sabihin, huwag mong pagdusahin ang iyong laman, at tugunan mo ang lahat ng ninanasa at hinihingi ng laman. Nabubuhay lang sila para sa laman, hindi talaga nila nauunawaan ang halaga at kahulugan ng buhay ng tao, at wala silang tamang direksyon at mithiin sa buhay. Namumuhay lang sila sa kahungkagan, ganap na nabubuhay nang walang saysay. Mayroon bang anumang kabuluhan sa pamumuhay nang ganito? Ang ilang tao sa iglesia ay palaging naghahangad ng kasiyahan ng laman, hindi hinahanap ang katotohanan, pinababayaan ang kanilang mga tungkulin, nanlilinlang, at nagpapakatamad, na malubhang nakakapinsala sa gawain ng iglesia, at sa huli, sila ay tinatanggal at pinalalayas. Tapos naisip ko ang sarili ko. Maraming taon na akong nananalig sa Diyos, pero hindi man lang nagbago ang mga pananaw ko. Mas pinahalagahan ko ang mga interes ng aking laman kaysa ang katotohanan. Naghangad lang ako ng ginhawa, at gumawa lang ako nang walang sigla para mairaos ang aking tungkulin. Kung magpapatuloy ito, hindi ba’t tatanggihan at palalayasin din ako ng Diyos? Nang mapagtanto ko ito, natakot talaga ako. Hindi ko na puwedeng isaalang-alang ang aking laman. Gusto kong masigasig na gampanan ang tungkulin ko at tuparin ang mga responsibilidad ko.
Isang araw, nabasa ko ang mga salita ng Diyos at nakahanap ako ng landas ng pagsasagawa. Sabi ng mga salita ng Diyos: “Ang mga taong tunay na nananalig sa Diyos ay kusang-loob na gumaganap ng kanilang mga tungkulin, nang hindi kinakalkula ang sarili nilang mga pakinabang at kawalan. Kahit isa ka pang taong naghahangad sa katotohanan, dapat kang umasa sa iyong konsensiya at katwiran at talagang magsikap kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin. Ano ang ibig sabihin ng talagang magsikap? Kung nasisiyahan ka na sa kaunting pagsisikap, at pagdanas ng kaunting hirap ng katawan, ngunit hindi mo talaga sineseryoso ang iyong tungkulin o hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo, ito ay wala nang iba kundi pagiging walang ingat at walang interes—hindi ito tunay na pagsisikap. Ang susi sa pagsisikap ay ibuhos ang puso mo roon, matakot sa Diyos sa puso mo, isaisip ang kalooban ng Diyos, matakot na suwayin ang Diyos at masaktan ang Diyos, at dumanas ng anumang paghihirap para magampanan ang iyong tungkulin nang maayos at mapalugod ang Diyos: Kung mayroon kang mapagmahal-sa-Diyos na puso sa ganitong paraan, magagampanan mo nang maayos ang iyong tungkulin. Kung walang takot sa Diyos sa puso mo, hindi ka magkakaroon ng pasanin kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin, hindi ka magkakaroon ng interes doon, at hindi mo maiiwasang maging walang ingat at walang gana, at iraraos mo lang ang gawain, nang hindi lumilikha ng anumang tunay na epekto—na hindi pagganap ng isang tungkulin. Kung tunay kang may nadaramang pasanin, at pakiramdam mo ay personal na responsabilidad mo ang pagganap sa iyong tungkulin, at na kung hindi, hindi ka nararapat na mabuhay, at isa kang hayop, na magiging marapat ka lamang na matawag na isang tao kung gagampanan mo nang maayos ang iyong tungkulin, at kaya mong harapin ang sarili mong konsiyensiya—kung mayroon kang nadaramang ganitong pasanin kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin—magagawa mo ang lahat nang maingat, at magagawa mong hanapin ang katotohanan at gawin ang mga bagay-bagay ayon sa mga prinsipyo, at sa gayon ay magagawa mong gawin ang tungkulin mo nang maayos at mapalugod ang Diyos. Kung karapat-dapat ka sa misyong ipinagkaloob sa iyo ng Diyos, at sa lahat ng isinakripisyo ng Diyos para sa iyo at sa Kanyang mga ekspektasyon mula sa iyo, kung gayon, ito ay tunay na pagsusumikap” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Para Magampanan nang Maayos ng Isang Tao ang Kanyang Tungkulin, Dapat Magtaglay man Lang Siya ng Konsiyensiya at Katwiran). “Kapag nakikitaan ka ng pagkamakasarili at mga pagpapakana para sa sarili mong pakinabang, at natatanto mo iyon, dapat kang manalangin sa Diyos at hanapin ang katotohanan para lutasin ito. Ang unang bagay na dapat mong mabatid ay na sa diwa, ang pagkilos sa ganitong paraan ay isang paglabag sa mga katotohanang prinsipyo, nakakapinsala ito sa gawain ng iglesia, ito ay makasarili at kasuklam-suklam na pag-uugali, hindi ito ang nararapat gawin ng mga tao na may konsiyensiya at katwiran. Dapat mong isantabi ang sarili mong mga interes at pagkamakasarili, at dapat mong isipin ang gawain ng iglesia—iyan ang kalooban ng Diyos. Matapos magdasal at pagnilayan ang iyong sarili, kung tunay mong natatanto na ang pagkilos nang gayon ay makasarili at kasuklam-suklam, magiging madali nang isantabi ang sarili mong pagkamakasarili. Kapag isinantabi mo ang iyong pagkamakasarili at mga pagpapakana para sa pakinabang, magiging matatag ka, magiging payapa, masaya, at madarama mo na dapat isipin ng taong may konsiyensiya at katwiran ang gawain ng iglesia, na hindi siya dapat matutok sa personal niyang mga interes, na siyang magiging napakamakasarili, kasuklam-suklam, at walang konsiyensiya o katwiran. Ang hindi makasariling pagkilos, pag-iisip sa gawain ng iglesia, at paggawa lamang ng mga bagay-bagay na nakalulugod sa Diyos ang matuwid at marangal, at magbibigay ng saysay sa iyong pag-iral. Sa pamumuhay nang ganito sa lupa, nagiging bukas ka at matapat, namumuhay ka nang may normal na pagkatao, at may tunay na wangis ng tao, at hindi lang malinis ang iyong konsiyensiya, kundi karapat-dapat ka rin sa lahat ng bagay na ipinagkaloob sa iyo ng Diyos. Habang lalo kang namumuhay nang ganito, lalo kang magiging matatag, lalo kang magiging payapa at masaya, at lalo kang sisigla. Sa gayon, hindi ba’t makakatapak ka na sa tamang landas ng pananampalataya sa Diyos?” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagbibigay ng Isang Tao ng Puso Niya sa Diyos, Makakamit Niya ang Katotohanan). Naunawaan ko na para magampanan ko nang maayos ang tungkulin ko, kailangan kong magsikap. Hindi ako puwedeng sa panlabas lang magsikap at magbayad ng halaga. Ang pinakamahalaga ay ang magdala ng pasanin sa aking puso, unahin ang gawain ng iglesia higit sa anupaman, gawin ang lahat ng aking makakaya, at kamtin ang mga bagay na dapat kong kamtin. Sa ganitong paraan lamang ako gumaganap ng tungkulin ko at namumuhay nang may wangis ng pagiging tao. Kahit na may nakaharap akong iba’t ibang paghihirap at problema sa aking tungkulin, malinaw kong nakita ang masama kong kalagayan ng paghahangad ng ginhawa at pagbabalewala sa pagsulong. Napagtanto ko ang aking mga maling pananaw tungkol sa paghahangad para ako ay makapagsisi at makapagbago. Ang mga paghihirap at problemang ito ay mga pagkakataon para makamit ko ang katotohanan at maalis ang mga tiwali kong disposisyon. Kasabay noon, naipakita rin sa akin ng mga ito ang aking mga propesyonal na pagkukulang, upang mapagbuti ko ang aking mga propesyonal na kasanayan at makagawa ng pagsulong sa aking tungkulin. Sa pamamagitan ng mga paghihirap na ito, nagawa kong umusad, at hindi ba’t magandang bagay iyon? Pagkatapos kong maunawaan ang kalooban ng Diyos, nagkaroon ako ulit ng motibasyon. Kalaunan, nagdasal ako sa Diyos tungkol sa aming mga problema at paghihirap, hinanap ko ang paggabay ng Diyos, at tinalakay ang mga solusyon kasama ng aking mga kapatid. Mula sa kaibuturan ng aking puso, ayaw ko nang maging tamad o maluwag sa trabaho, at nagsikap din ako na matuto ng mga propesyonal na kasanayan. Kapag may nakakaharap akong mga paghihirap at gusto ko nang sumuko, nagdarasal ako sa Diyos, tinatalikdan ang laman, at praktikal na nagbabayad ng halaga upang maghanap ng solusyon. Makalipas ang ilang panahon, nagkaroon ako sa wakas ng malaking tagumpay, agad na nalutas ang problema, at medyo gumanda ang mga resulta ng paggawa ng video kumpara sa dati. Naging mas matiwasay ang pakiramdam ko sa paggawa ng aking tungkulin sa ganitong paraan. Ang totoo, hindi naman ganoon kahirap lumutas ng mga problema at gumawa ng praktikal na gawain, at hindi ako masyadong nagdusa. Naging medyo mas maingat lang ako sa aking tungkulin at ginabayan ako ng Diyos. Napakalimitado pa rin ng aking pagpasok, kaya sa hinaharap, magtutuon ako sa paglutas ng aking mga tiwaling disposisyon sa aking tungkulin, at buong-puso kong gagawin ang aking tungkulin para mabigyang-kasiyahan ang Diyos!