Ang Tao ang Pinakamalaking Benepisyaryo ng Pamamahala ng Diyos

Sa kasalukuyan, sa pagganap sa kanilang mga tungkulin, ang karamihan sa mga tao ay nagagawang tuparin ang kanilang mga tungkulin, nang hindi gumagawa ng masama, ngunit sila ba ay matapat? Nagagawa ba nila ang kanilang mga tungkulin sa isang katanggap-tanggap na pamantayan? Labis pa rin silang nabibigo. Kung kaya o hindi ng mga tao na gampanan nang mabuti ang kanilang mga tungkulin ay may kaugnayan sa usapin ng pagkatao. Kaya paano nila magagawa nang mabuti ang kanilang mga tungkulin? Ano ang dapat nilang taglayin upang magawa nang mabuti ang kanilang mga tungkulin? Anuman ang tungkuling kanilang ginagampanan o anuman ang kanilang ginagawa, dapat maging metikuloso at marubdob ang mga tao, at dapat nilang tuparin ang kanilang mga responsabilidad; saka lang makararamdam ng katatagan at kapayapaan ang kanilang puso. Ano ang ibig sabihin ng tuparin ang mga responsabilidad ng isang tao? Ang ibig sabihin nito ay ang maging masipag, ang ibigay mo ang iyong buong puso sa iyong mga responsabilidad, at gawin ang lahat ng bagay na dapat mong gawin. Halimbawa, sabihin nang itinalaga ka ng isang lider ng iglesia na gumawa ng isang tungkulin, at ibinahagi niya sa iyo ang mga simpleng prinsipyo nito, ngunit hindi ito gaanong idinetalye—paano ka dapat kumilos upang magawa mo nang mabuti ang tungkuling ito? (Umasa sa aming konsensiya.) Kahit paano man lang, dapat kang umasa sa iyong konsensiya upang magawa mo ito. “Umasa ka sa iyong konsensiya”—paano mo maipatutupad ang mga salitang ito? Paano mo gagamitin ang mga salitang ito? (Sa pamamagitan ng pagsasaalang-alang sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, at hindi paggawa ng anuman na magbibigay-kahihiyan sa Diyos.) Isa itong aspekto. Bukod dito, kapag gumawa ka ng isang bagay, dapat ay paulit-ulit mo itong pag-isipang mabuti, sukatin mo ito alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo. Kung walang kapayapaan ang iyong puso pagkaraan mo itong tapusin, at pakiramdam mo ay para bang may problema pa rin dito, at matapos itong suriin, isang problema nga talaga ang natuklasan, ano ang dapat mong gawin sa puntong ito? Dapat mong agad na ayusin ito at lutasin ang problema. Anong uri ng saloobin ito? (Ito ay pagiging metikuloso at pagiging mabusisi.) Ito ay pagiging metikuloso at pagiging mabusisi, na isang marubdob at masidhing saloobin. Ang paggawa ng iyong tungkulin ay nakabatay dapat sa isang marubdob at responsableng saloobin, na nagsasabing: “Ibinigay sa akin ang gawaing ito, kaya dapat kong gawin ang anumang makakaya ko upang magawa ko ito nang mabuti ayon sa abot ng aking kayang malaman at makamit. Hindi ako maaaring makagawa ng anumang mga pagkakamali.” Hindi ka maaaring magkaroon ng pag-iisip na “puwede na ang puwede na.” Kung palagi kang may pabasta-bastang paraan ng pag-iisip, magagawa mo ba nang mabuti ang iyong tungkulin? (Hindi.) Ano ang dahilan ng pagiging pabasta-basta? Hindi ba’t ang iyong sataniko at tiwaling disposisyon? Ang pagiging pabasta-basta ay pagpapamalas ng isang tiwaling disposisyon; umuusbong ito kapag nauudyukan ang mga tao ng kanilang mga tiwaling disposisyon. Direkta itong nakaaapekto sa nakukuha nilang mga resulta sa kanilang mga tungkulin, nagiging dahilan pa nga upang maging magulo ang kanilang gawain, at nakaaapekto ito sa gawain ng iglesia. Napakalala ng resultang ito. Kung palagi kang pabasta-basta sa iyong tungkulin, anong uri ng problema ito? Ito ay isang problema na may kinalaman sa iyong pagkatao. Tanging mga taong walang konsensiya at pagkatao ang palaging pabasta-basta. Sa tingin ba ninyo ay maaasahan ang mga taong palaging pabasta-basta? (Hindi.) Sila ay lubhang hindi maaasahan! Ang isang taong pabasta-basta kung gumawa ng kanyang tungkulin ay isang taong iresponsable, at ang isang taong iresponsable sa kanyang mga kilos ay hindi isang matapat na tao—siya ay isang taong hindi mapagkakatiwalaan. Anumang tungkulin ang ginagawa niya, ang isang taong hindi mapagkakatiwalaan ay pabasta-basta, dahil ang kanyang karakter ay hindi umaabot sa isang katanggap-tanggap na pamantayan, hindi niya minamahal ang katotohanan, at talagang hindi siya isang matapat na tao. Maipagkakatiwala ba ng Diyos ang anumang bagay sa mga taong hindi mapagkakatiwalaan? Hinding-hindi. Dahil sinisiyasat ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng mga tao, hinding-hindi Niya ginagamit ang mga taong mapanlinlang upang gumawa ng mga tungkulin; ang mga tapat lang ang pinagpapala ng Diyos, at gumagawa lamang Siya sa mga tapat at nagmamahal sa katotohanan. Sa tuwing gumaganap sa tungkulin ang isang mapanlinlang na tao, isa itong pagsasaayos na ginawa ng tao, at ito ay pagkakamali ng tao. Ang mga taong mahilig maging pabasta-basta ay walang konsensiya o katwiran, mababa ang kanilang pagkatao, hindi sila mapagkakatiwalaan, at sila ay labis na hindi maaasahan. Gagawa ba ang Banal na Espiritu sa gayong mga tao? Hinding-hindi. Kaya, ang mga mahilig maging pabasta-basta sa kanilang mga tungkulin ay hindi gagawing perpekto ng Diyos kailanman, at hindi Niya sila gagamitin kailanman. Ang mga mahilig maging pabasta-basta ay mapanlinlang lahat, puno ng masasamang motibo, at lubos na walang konsensiya at katwiran. Kumikilos sila nang walang mga prinsipyo o sa mababang limitasyon; kumikilos sila batay lamang sa sarili nilang mga kagustuhan, at may kakayahan silang gumawa ng lahat ng uri ng masasamang bagay. Ang lahat ng kanilang kilos ay nababatay sa lagay ng kanilang kalooban: Kung maganda ang kanilang timpla, at sila ay nasisiyahan, medyo bubuti ang kanilang paggawa. Kung masama naman ang kanilang timpla, at hindi sila nasisiyahan, magiging pabasta-basta sila. Kung galit sila, maaari silang maging arbitraryo at walang ingat, at maaari nilang maantala ang mahahalagang bagay. Wala talaga ang Diyos sa kanilang puso. Hinahayaan lang nilang lumipas ang mga araw, nang walang ginagawa at naghihintay ng kamatayan. Kaya, gaano man hikayatin ng mga taong gumagawa ng kanilang mga tungkulin nang pabasta-basta, wala rin itong saysay, at walang silbi na magbahagi sa kanila tungkol sa katotohanan. Ayaw nilang ayusin ang kanilang mga gawi sa kabila ng paulit-ulit na mga pangaral, sila ay walang puso; maaari lang silang paalisin, iyon ang pinakaangkop na gawin. Ang mga taong walang puso ay walang mababang limitasyon sa kanilang mga kilos; walang makapipigil sa kanila. Kaya bang pamahalaan ng mga gayong tao ang mga bagay-bagay batay sa konsensiya? (Hindi.) Bakit hindi? (Hindi sila nagtataglay ng mga pamantayan ng konsensiya, wala rin silang pagkatao, o mababang limitasyon.) Tama iyan. Wala silang mga pamantayan ng konsensiya sa kanilang mga kilos; kumikilos sila batay sa kanilang mga kagustuhan, ginagawa ang anumang kanilang naisin, batay sa kanilang timpla. Nakadepende sa kanilang timpla kung mabuti o masama ang mga resultang nakukuha nila sa kanilang mga tungkulin. Kung maganda ang kanilang timpla, maganda ang mga resulta, ngunit kung masama ito, masama ang mga resulta. Maaari bang maabot ang isang katanggap-tanggap na pamantayan sa pamamagitan ng paggawa ng tungkulin sa ganitong paraan? Ginagawa nila ang kanilang mga tungkulin batay sa kanilang timpla, hindi sa mga katotohanang prinsipyo; kaya, napakahirap para sa kanila na maisagawa ang katotohanan, at napakahirap para sa kanila na makamit ang pagsang-ayon ng Diyos. Ang mga kumikilos batay sa pansariling mga pisikal na kagustuhan ay talagang hindi naisasagawa ang katotohanan.

Ang anumang ginagawa ng mga tao ay may kaugnayan sa paghahanap sa katotohanan at sa pagsasagawa ng katotohanan; ang anumang may kaugnayan sa katotohanan ay may kaugnayan sa kalidad ng pagkatao ng mga tao, at sa saloobin nila sa paggawa ng mga bagay-bagay. Kadalasan, kapag gumagawa ang mga tao ng mga bagay-bagay sa isang walang prinsipyong paraan ito ay dahil sa hindi nila nauunawaan ang mga prinsipyo sa likod nito. Ngunit sa maraming pagkakataon, hindi lang hindi nauunawaan ng mga tao ang mga prinsipyo, ayaw din nilang unawain ang mga ito. Bagaman maaaring may kaunti na silang alam tungkol sa mga ito, ayaw pa rin nilang mas mapabuti. Wala sa kanilang puso ang pamantayang ito, at gayon din ang pangangailangang ito. Kaya, lubos na mahirap para sa kanila ang gawin nang mabuti ang mga bagay-bagay, lubos na mahirap para sa kanila ang gawin ang mga bagay-bagay sa isang paraan na naaayon sa katotohanan at nagpapalugod sa Diyos. Ang susi sa kung nagagawa ba ng mga tao nang katanggap-tanggap ang kanilang mga tungkulin ay nakadepende sa kung ano ang kanilang pinagsisikapan, kung hinahangad ba nila ang katotohanan o hindi, at kung mahilig ba sila sa mga positibong bagay o hindi. Kung hindi minamahal ng mga tao ang mga positibong bagay, hindi madali para sa kanila na tanggapin ang katotohanan, na lubos na nakaliligalig—bagaman gumaganap sila sa isang tungkulin, nagtatrabaho lang sila. Kahit nauunawaan mo man o hindi ang katotohanan, at kung nagagawa mo mang unawain o hindi ang mga prinsipyo, kung ginagampanan mo ang iyong tungkulin batay sa iyong konsensiya, kahit papaano, ay magkakamit ka ng katamtamang mga resulta. Ito lamang ang katanggap-tanggap. Kung nagagawa mong hangarin ang katotohanan at gawin ang mga bagay-bagay alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo, magagawa mong ganap na matupad ang mga hinihingi ng Diyos at maging alinsunod sa mga layunin ng Diyos. Ano ang mga hinihingi ng Diyos? (Na ibigay ng mga tao ang kanilang buong puso at lakas sa maayos na pagganap sa kanilang mga tungkulin.) Paano dapat unawain ang “pagbibigay ng kanilang buong puso at lakas”? Kung inilalaan ng mga tao ang kanilang buong isip sa pagganap sa kanilang mga tungkulin, ibinibigay nila ang kanilang buong puso. Kung ginagamit nila ang lahat ng kanilang lakas sa pagganap sa kanilang mga tungkulin, ibinibigay nila ang kanilang buong lakas. Madali bang ibigay ang lahat ng iyong puso at lakas? Hindi ito madaling matamo nang walang konsensiya at katwiran. Kung ang isang tao ay walang puso, kung wala siyang pag-iisip at walang kakayahang magmuni-muni, at kung, nahaharap sa isang problema, ay hindi niya alam kung paano hanapin ang katotohanan, at wala siyang mga paraan o daan upang gawin ito, kaya ba niyang ibigay ang kanyang buong puso? Tiyak na hindi. Kung gayon, kung may puso ang isang tao, may kakayahan ba siyang ibigay ang kanyang buong puso? (Oo.) Kung ang isang tao ay may puso, ngunit hindi niya ito ginagamit upang gawin ang kanyang tungkulin, at sa halip ay mga kasuklam-suklam at buktot na landas lamang ang iniisip niya, at ginagamit niya ito sa paggawa ng mga bagay na hindi tama, magagawa ba niyang ibigay ang kanyang buong puso sa kanyang tungkulin? (Hindi.) Sabihin nating nararanasan niyang mapungusan, at nagagawa niyang malaman ang kanyang tiwaling disposisyon, at sumusumpa siya sa Diyos na handa siyang magsisi, at mayroon siyang kapasyahan na gawin nang mabuti ang kanyang tungkulin, ngunit kapag nahaharap siya sa mga paghihirap o tukso, nayayanig ang kanyang puso, walang sigla niyang ginagawa ang kanyang tungkulin, o umuusbong sa kanya ang pagiging negatibo at lumalayo siya—sa oras na ito, kaya ba niyang ibigay ang kanyang buong puso? (Hindi.) Kasasabi lamang ninyo na kung ang isang tao ay may puso, may kakayahan siyang ibigay ang kanyang buong puso. Totoo ba ang pahayag na iyon? (Hindi.) Anuman ang inyong gawin, hindi kayo dapat umasa sa inyong mga simbuyo o imahinasyon, lalo na sa inyong nag-aalab na damdamin; hindi ka dapat magpatuloy batay sa iyong mga nararamdaman, o maging sa pagsunod sa mga ideya ng mga tao—sa halip, kailangan mong patuloy na hanapin at isagawa ang katotohanan. Ang pag-asa sa sigasig at mga nararamdaman, o sa nag-aalab na damdamin at pansamantalang mga simbuyo, ay hindi makatitiyak na gagawin mo nang mabuti ang iyong tungkulin. Ito ay kagaya ng kung paanong, kapag napakabata pa ng lahat ay gusto nilang magpakita ng paggalang sa kanilang mga magulang sa kanilang paglaki. Kapag lumaki ka na nga, at dumating na ang oras upang tuparin mo ang hangaring iyon, anong mga paghihirap ang maaaring humadlang sa iyo sa paggawa niyon? May kaugnayan ito sa mga totoong problema; sa bawat tao, ang realidad ay mas malaki ang kanilang mga paghihirap kaysa sa kanilang mga minimithi. Halimbawa, kapag nagtapos ka na sa kolehiyo at nagsisimula ka nang kumita ng pera, iniisip mong, “Ngayong kumikita na ako ng pera, dapat muna akong bumili ng magagandang damit na maisusuot ng aking ina at ama, at bilhan sila ng ilang produktong pangkalusugan, at simula ngayon ay dapat akong maging mabuting anak sa kanila. Bibigyan ko sila ng perang panggastos, upang mapalipas nila ang bawat araw nang masaya.” Ngunit matapos mong matanggap ang iyong sahod at magkuwenta, matapos mong ibawas ang iyong pang-upa, pang-araw-araw na gastusin, at iba pang mga gastusin, halos wala nang natira, at kailangan mo pang bilhan ng ilang magandang damit ang iyong sarili. Kapag nagastos na ang lahat ng iyong pera, hindi ka mapakali, dahil nalabag mo ang pangakong iyong binitiwan na kikita ka ng pera upang maging isang mabuting anak sa iyong mga magulang sa iyong paglaki. Iniisip mong, “Hindi ako nagiging isang mabuting anak sa aking mga magulang, kailangan kong mag-ipon ng pera sa susunod na buwan.” Pagkatapos, pagdating ng susunod na buwan, hindi pa rin sapat ang perang iyong kinita, kaya iniisip mong, “Marami pang panahon upang maging mabuting anak ako sa aking mga magulang.” Unti-unti, sa paglipas ng panahon, makahahanap ka ng kapareha, magsisimula ng isang pamilya, magkakaroon ng mga anak, at mas lalong magkukulang ang pera. Batay sa iyong sitwasyon at mga pangyayari sa buhay, nagiging napakahirap na isakatuparan ang iyong pagnanais na maging mabuting anak sa iyong mga magulang, dahil kailangan mo ring itaguyod ang iyong pamilya at makaraos, at paglaanan ang edukasyon ng iyong mga anak; upang mabuhay, kailangan mo ring makisalamuha sa mga lokal na pinunong malupit at sa mga tiwaling opisyal, na nagpapahirap sa iyo. Kahit na gusto mong maging isang mabuting anak sa iyong mga magulang, wala itong saysay; napangingibabawan ka ng iba’t ibang paghihirap sa totoong buhay, at ang iyong pagnanais na maging mabuting anak sa iyong mga magulang ay dahan-dahang sinisira ng realidad. Kung gayon, mapaninindigan ba ang iyong intensyon na maging mabuting anak? (Hindi.) Kung gayon, totoo ba o peke ang iyong pagnanais na maging mabuting anak sa iyong mga magulang noong bata ka pa? (Totoo.) Noong panahong iyon, ito ay totoo, ngunit ito rin ay pagiging walang-muwang, hangal, at mangmang; hindi ito maaasahan. Alin doon ang iyong totoong sarili? Ang mga bagay na dumadaloy mula sa iyo at ang mga bagay na ipinamamalas mo sa iyong totoong buhay ang iyong totoong pagkatao at ang iyong totoong saloobin sa pagtrato mo sa iyong mga mahal sa buhay. Patuloy mong ipinagpapabukas ang pagiging mabuting anak sa iyong mga magulang, hanggang sa hindi sinasadya ay hindi mo na nararamdaman ang iyong konsensiya, ang iyong paninisi sa sarili, at hindi ka na nakakaramdam ng mga responsabilidad at obligasyon. Pagkatapos ay iniisip mong: “Ang lahat ay ganito. Hindi ako mas malala kaysa sa iba, at saka, mayroon din akong mga totoong paghihirap!” Ang iyong bawat palusot, argumento, at idinadahilan—ano ang mga ito? Bahagi ang mga ito ng iyong tiwaling disposisyon. Gaano man kahirap ang realidad para sa iyo, gaano ka man nito binibigyan ng mga dahilan at palusot upang maiwasan ang mga responsabilidad na dapat mong harapin, at gaano man katibay ang iyong mga argumento at palusot, sa huli, ang mga bagay na iyong ipinamamalas ay ang iyong ganap at totoong sarili. Kaya paano mo matutupad ang isang positibong mithiin? Sa totoong buhay, bago maunawaan o makamit ang katotohanan, ano ang mga bagay na ipinamamalas ng mga tao? Ang mga ito ba ay makatarungan at positibo? (Hindi.) Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, gaano man kabuti ang iyong mga kilos o gaano man kawasto ang iyong mga ideya, mga tiwaling disposisyon pa rin ang mga ito, at hindi naaayon sa katotohanan ang mga ito. Kaya, kung hindi mo hinahangad o nauunawaan ang katotohanan, magiging napakahirap para sa iyo na isagawa ang katotohanan, at pagkatapos, ang iyong isasabuhay ay mga pagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon. Gaano man kabuti ang tingin mo sa iyong sarili, gaano man kadakila, gaano man katuwid, ang mga bagay na iyong ginagawa sa pundasyong ito ay imposibleng maging naaayon sa katotohanan. Nauunawaan mo ba? (Nauunawaan ko nang kaunti.) Ano ang inyong nauunawaan? (Gusto ng lahat ng tao na gawin nang wasto ang kanilang mga tungkulin, ngunit dahil sila ay kinokontrol ng kanilang mga tiwaling disposisyon, kahit na gusto nilang gawin ang kanilang mga tungkulin alinsunod sa kanilang konsensiya, hindi nila ito maisakatuparan. Samakatuwid, dapat nilang lutasin ang kanilang mga tiwaling disposisyon upang magawa nila nang mabuti ang kanilang mga tungkulin.) Iyong iba, ano pa ang inyong nauunawaan? (Ang mga bagay na ginagawa ng isang tao kapag hindi niya nauunawaan ang katotohanan, paano man nakikita ng mga tao ang mga ito, ay hindi ang pagsasagawa ng katotohanan. Kahit pa iniisip ng mga tao na ang mga kilos na ito ay napakabuti, ang mga kilos na iyon ay imposibleng maging naaayon sa mga layunin ng Diyos, kaya nakita kong napakahalaga na maunawaan ang katotohanan.) Napakahusay ng iyong sinabi! Mukhang kayong lahat ay nagkaroon ng kaunting pag-unlad sa pagkakataong ito. Hindi madaling makamit ang katotohanan; marami ang dapat ibayad ng mga tao para dito. Bukod sa paghihimagsik laban sa laman at paghahanap at pagsasagawa ng katotohanan, dapat ding pagdusahan ng mga tao ang maraming pasakit at pagpipino, at dapat silang dumanas ng pang-uusig at brutal na pang-aabuso sa mga kamay ni Satanas—hindi man sila mamatay, dapat pa rin silang maghirap—saka lamang nila maaalis ang kanilang mga tiwaling disposisyon at makakamit ang katotohanan. Masasabing ang pagtatamo sa katotohanan ay isang proseso ng pagdanas ng paghatol at pagkastigo, at sa gayon ay pagiging nalinis. Maaaring kinikilala mo na mayroon kang isang tiwaling disposisyon, at kinikilala mo rin ang katotohanan, ngunit kapag iyong isinagawa ang katotohanan, hindi ba’t lalabas ang iyong tiwaling disposisyon upang ikaw ay hadlangan at guluhin? (Oo.) Anong mga bagay ang umuusbong sa puso ng mga tao sa oras na iyon? (Sila ay nagtatalo at naghahanap ng mga maidadahilan. Nagbubunyag sila ng pagkamakasarili, at isinasaalang-alang nila ang sarili nilang pagpapahalaga sa sarili at banidad.) Ito ay isang problema sa mga disposisyon ng mga tao. May ilang taong hindi nagsasabi o nagbubunyag ng anuman, ngunit kapag tiningnan mo ang kanilang disposisyon, malinaw mong makikita na may paghihimagsik sa kanilang puso. Ang paghihimagsik ay isang uri ng tiwaling disposisyon. Sila man ay nagtatalo o naghahanap ng mga maidadahilan, ginagawa ang lahat ng ito upang panatilihin ang sarili nilang mga interes, pagpapahalaga sa sarili, katayuan, at banidad, upang magkamit ng isang uri ng hangarin o layunin. Kung ang isang tao ay may ganitong uri ng mapaghimagsik na disposisyon sa kanyang kalooban, ito ay magsasanhi ng lahat ng uri ng tiwaling kalagayan na laban at salungat sa Diyos. Ano ang paghihimagsik? Sa madaling salita, ito ay kapag may paglaban sa puso ng isang tao, kapag inilalaban niya ang kanyang sarili sa Diyos, sinasabing: “Bakit iba sa aking iniisip ang mga salitang Iyong sinasabi? Bakit hindi ko gusto ang mga iyon? Hindi ko gusto ang mga iyon, kaya hindi ko iyon matatanggap, at ayaw kong makinig sa Iyong pagsasalita.” Inilalaban nila sa Diyos ang kanilang puso, at sila ay hindi masunurin, hanggang sa puntong sinasalungat na nila ang realidad, sinasalungat nila ang lahat ng ginawa ng Diyos at ang Kanyang mga hinihingi sa kanila. Dito nagiging mapaghimagsik ang mga tao, at ito ang pinakamalaking paghihirap ng mga tao sa pagtanggap at pagsasagawa ng katotohanan. Ikaw man ay naghahanap ng mga maidadahilan o naghahanap ng iba’t ibang obhetibong argumento o kondisyon, sa anumang kaso, ito ang mapaghimagsik na disposisyon na umiiral sa loob mo na nagdudulot ng kaguluhan sa iyo. Ipagpalagay na kaya mong lutasin ang mapaghimagsik na disposisyong ito, na baligtarin ang ganitong uri ng kalagayan, at anumang mangyari sa iyo, sinasabi mong, “Nangyari ito sa akin, at hindi ko nauunawaan ang katotohanan, at hindi ko rin alam kung paano ito isagawa. Ang magagawa ko lamang ay manalangin sa Diyos at umasa sa pagbabasa ng salita ng Diyos upang makahanap ng landas ng pagsasagawa, o maghanap mula sa isang taong nakauunawa sa katotohanan. Kung matututo ako kung paano magsagawa sa isang paraan na naaayon sa katotohanan, na gusto ng Diyos, at nakalulugod sa Kanya, magsasagawa ako nang ganoon.” Tama na magkaroon ng gayong pag-iisip; ito ay isang taong nagmamahal sa katotohanan. Kung hinahangad mo ang katotohanan sa ganitong paraan, sinusubukang bumuti sa kabila ng lahat ng dagok, nang hindi nagiging negatibo o mahina ang loob, magagawa mong alisin ang iyong tiwaling disposisyon at matamo ang pagliligtas ng Diyos.

Noong unang sinubok ng Diyos si Job, nagawa ba ni Job na malaman nang tama ang layunin ng Diyos batay sa pagkaunawa niya noong panahong iyon? (Hindi.) Kung gayon, ano ang ipinamalas ni Job? Nagpasakop ba siya, o siya ba ay naghimagsik, lumaban, at nagreklamo? (Siya ay nagpasakop.) Mula loob hanggang labas, nasa anong uri ng kalagayan siya? Nagpakita ba siya kailanman ng kahit katiting na pag-ayaw o paglaban? Hindi. Bagaman isang simpleng paglalarawan lang ang makikita sa tala sa Bibliya, hindi makikita na kailanman ay nagpakita si Job ng isang mapaghimagsik na kalagayan. Mula sa mga salitang ito, maaari mo bang makita na maraming katotohanan ang naunawaan ni Job? (Hindi.) Sa realidad, anong katotohanan ang naunawaan ni Job noong panahong iyon? Nagsalita ba ang Diyos tungkol sa katotohanan ng pagpapasakop? Nagsalita ba Siya tungkol sa kung paanong hindi dapat maghimagsik ang mga tao laban sa Kanya? Hindi Siya nagsalita tungkol sa alinman sa mga bagay na ito. Ano ang kalagayan ni Job? Bagaman noong panahong iyon ay hindi niya tinaglay bilang pundasyon ang salita ngayon ng Diyos, ang asal niya at ang lahat ng ginawa niya ay nagtulot sa mga tao na makita ang mga iniisip ng puso niya at ang kalagayang nasa loob ng puso niya. Hindi ba’t isa itong bagay na kayang makita at maramdaman ng mga tao? (Ganoon nga.) Sinasabi ng ilang tao na: “Hindi namin alam kung ano ang iniisip niya sa kanyang puso.” Hindi mo kailangang malaman iyon; dapat magawa mong makita ang mga panlabas niyang kilos. Nang makaranas siya ng mga pagsubok, ipinakita niya ang mga kilos ng isang taong lubos na walang paghihimagsik at ganap na nagpasakop sa Diyos: pinunit niya ang kanyang mga damit at dumapa. Ang kanyang pagdapa ay nagmula sa kanyang puso, at lubos na umayon ito sa lahat ng kanyang kaisipan at sa lahat ng gusto niyang ipahayag noong panahong iyon. Kinatawan nito ang kanyang paghahangad at ang kanyang saloobin sa Diyos. Kung gayon ano ang kanyang saloobin sa Diyos? Ano ang reaksyon niya sa mga bagay na ginawa ng Diyos sa kanya? Ang una niyang reaksyon ay ang tumanggap at magpasakop, nang walang pagtutol at walang pagsalungat. May pag-aatubiling sinasabi ng ilang taong walang espirituwal na pang-unawa na: “Paano magkakaroon ng gayong tao sa mundo? Hindi ba’t isa siyang santo? Siguradong peke ito.” Ang realidad ay totoong may mga taong gaya ni Job, ngunit iisa lamang si Job, at sa tingin Ko ay hindi na magkakaroon ng isa pa kailanman. Ang kalagayan ni Job ay ang tinatawag ng mga walang pananampalataya na “hindi makasarili at walang pagnanasa.” Nang dumating sa kanya ang mga pagsubok ng Diyos, wala siyang sinabi; sa halip, ipinahayag niya ang kanyang saloobin sa Diyos sa kanyang mga kilos. Pinatunayan ng kanyang pagdapa na nang dumating sa kanya ang mga pagsubok, siya ay totoong tumatanggap at totoong nagpapasakop, at hindi siya lumalaban man lang. Hindi siya nagpapakitang-gilas o nagpapanggap; hindi niya ito ginawa para makita ng ibang tao, ginawa niya ito para makita ng Diyos. Kung gayon paano natamo ni Job ang ganitong uri ng pagpapasakop? Hindi niya natamo ang ganitong uri ng pagpapasakop sa pagdanas lang ng isang pagsubok at pag-unawa sa pagpapasakop. Ang bawat isa sa mga miyembro ng tiwaling sanlibutan na naninirahan sa lupa ay nagawa nang tiwali ni Satanas; silang lahat ay may mapaghimagsik na mga disposisyon. Ang mga tao ay makasarili, at lahat sila ay naghihimagsik laban sa Diyos. Ito ay isang kalikasang ginawang tiwali ni Satanas; ang buong tiwaling sanlibutan ay may ganitong kalikasan. Ngunit nagawa ba ni Job na magpasakop sa Diyos sa ganitong antas nang biglaan? Tiyak na hindi. Kinailangan niyang maghangad, at bukod pa roon, kinailangan niyang magkaroon ng isang malinaw na layunin na pagsisikapan, at isang tamang landas. Kasabay nito, kinailangan niya ring magkaroon ng patnubay ng Diyos, at hayaan ang Diyos na alagaan at protektahan siya. Dahil lang hinangad ni Job na tahakin ang tamang landas, hinangad na matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan kung kaya’t nagawa niyang magkamit ng biyaya, habag, at mga pagpapala mula sa Diyos; pagkatapos, patuloy niyang nakita ang kamay at patnubay ng Diyos, at patuloy niyang natanggap ang pag-aalaga ng Diyos. Doon lamang niya nagawang lumago. Sa tingin ninyo, bakit hindi binigyan ng Diyos ng gayong pagsubok si Job noong siya ay dalawampung taong gulang? (Wala pa siyang tayog noong panahong iyon.) Hindi pa dumarating ang panahon noon. Bakit hindi siya nagkaroon ng gayon kalaking pagsubok noong siya ay apatnapu? Hindi pa rin dumarating ang panahon noon. Bakit siya sinubok ng Diyos noon lang siya ay pitumpu? (Dumating na ang panahon ng Diyos.) Tama iyan, dumating na ang panahon. Ngayon, kailangan ba ninyong lahat na maghintay hanggang kayo ay pitumpu? (Hindi.) Bakit hindi? (Ngayon ay napakikinggan namin ang mga salita ng Diyos gamit ang sarili naming mga tainga. Napakalinaw na ipinaliliwanag ng Diyos sa amin ang Kanyang mga layunin at ang Kanyang mga hinihingi.) Ang gawain sa kapanahunang iyon at ang gawain sa kapanahunang ito ay magkaiba. Sa kapanahunang iyon, hindi nagsalita sa tao ang Diyos, at hindi naunawaan ng tao ang katotohanan; gumawa lang ang Diyos ng ilang simple at kumakatawang gawain. Pinanatili lang ng mga nananalig sa Diyos ang mga salita ng Diyos na ipinarating ng mga propeta, at ang mga may takot sa Diyos ay nagtamo ng Kanyang mga pagpapala. Ang mga hindi totoong nananalig sa Diyos ay magugulo ang isip; sa pinakasukdulan, nagsakripisyo sila at nanalangin, at hindi na iyon masama. Noong panahong iyon, hindi ba’t mga mananampalataya rin ng Diyos ang mga kaibigan ni Job? Hindi ba’t higit na mas mahina ang kanilang pananampalataya kaysa kay Job? Sila at si Job ay mula sa parehong kapanahunan, pero hindi ba’t higit na mas mabuti si Job kaysa sa kanila? (Ganoon nga.) Bakit may gayon kalaking pagkakaiba? (May kinalaman iyon sa kalikasan at paghahangad ng mga tao.) Tama iyan, may kinalaman iyon sa paghahangad ng mga tao. Ang iyong itinanim ang iyong aanihin. Kung wala kang itinatanim, pagdating ng panahon, wala ka man lang aanihin. Hindi naghangad ang iilang taong iyon na magugulo ang isip; kagaya sila ng mga hindi mananampalataya sa iglesia ngayon. Pinanatili lang nila ang mga patakaran, at mahilig silang sumunod sa mga patakaran sa lahat ng bagay. Hindi nila nauunawaan ang katotohanan, at akala nila ay palagi silang tama, na nauunawaan nila ang lahat. Nang dumating kay Job ang mga pagsubok, sinabi nila sa kanya: “Dapat kang magtapat agad. Tingnan mo, dumating na ang mga kaparusahan ng Diyos.” Sa huli, ano ang saloobin ng Diyos sa kanila? Sabi ng Diyos: “Nabuhay kayo sa dakilang kapanahunang ito, at hindi ninyo malinaw na makita ang Aking mga kilos o ang Aking saloobin sa mga tao, o ang disenyo ng Aking pagkilos. Talagang mga tao kayong magugulo ang isip; nakakita nang malinaw si Job.” Kaya, nagpakita ang Diyos kay Job, ngunit hindi sa kanila; hindi sila karapat-dapat. Hindi sila naghangad na makilala ang Diyos, at hindi rin sila natakot sa Diyos o umiwas sa kasamaan, kaya hindi nagpakita sa kanila ang Diyos.

Ngayon, gusto ng lahat na maging isang taong may takot sa Diyos at umiiwas sa masama. Kung gayon, ano ang kahulugan ng daan ng pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan? Masasabing may kinalaman dito ang paghahanap at pagpapasakop sa Diyos, at pagpapasakop sa Kanya nang ganap at lubusan. May kinalaman ito sa pagiging tunay na pagkatakot at pagkatigatig sa Diyos, nang walang anumang elemento ng panlilinlang, paglaban, o paghihimagsik. Ito ay pagiging ganap na dalisay sa puso at lubos na tapat at mapagpasakop sa Diyos. Ang katapatan at pagpapasakop na ito ay dapat ganap, hindi nauugnay lang; hindi ito nakadepende sa oras o lugar, o kung gaano katanda ang isang tao. Ito ang paraan ng pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa masama. Sa proseso ng ganitong paghahanap, unti-unti mong makikilala ang Diyos at mararanasan ang Kanyang mga gawa; mararamdaman mo ang Kanyang pag-aalaga at proteksyon, madarama ang katotohanan ng Kanyang pag-iral, at mararamdaman ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan. Sa wakas, talagang mararamdaman mo na ang Diyos ay nasa lahat ng bagay, at Siya at nasa tabi mo lamang. Magkakaroon ka ng ganitong uri ng realisasyon. Kung hindi mo sinusunod ang daan ng pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan, kung gayon ay hindi ka kailanman magkakamit ng kaalaman tungkol sa mga bagay na ito. Sabi ng mga tao na, “Ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay; Siya ay nasa lahat ng dako at makapangyarihan sa lahat.” Ganap mo itong kinikilala sa iyong puso, pero hindi mo makita o maranasan ang mga bagay na ito, kaya paano mo makikilala ang Diyos? Ano ba ang ginagawa mo sa lahat ng taon mo ng pananampalataya sa Diyos? Madalas kang dumalo sa mga pagtitipon at makinig sa mga sermon, at palagi mong ginagawa ang iyong tungkulin; marami ka nang napuntahan, at nakahikayat ka na ng ilang tao sa pagpapalaganap mo ng ebanghelyo. Kaya bakit hindi mo nauunawaan na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat? Talagang hindi mo nauunawaan ang katotohanan! Ganap ka bang hindi nakakakita? Malinaw mong nalalaman na ito ang tunay na daan, ngunit hindi mo hinahangad ang katotohanan. Bagaman dumadalo ka sa mga pagtitipon, nakikinig sa mga sermon, at namumuhay ng isang buhay-iglesia, hindi mo nauunawaan ang katotohanan, at hindi ka man lang nagbago. Labis kang nakaaawa! Ito ang kalagayan ng mga hindi mananampalataya, na para bang hindi sila mula sa sambahayan ng Diyos; sa mga mata ng Diyos, ikaw ay isang taong bayaran, isang trabahador. Maaaring sabihin mong: “Ginagawa ko ang aking tungkulin. Diyos ko, kailangan Mo akong kilalanin!” At sasabihin ng Diyos na: “Wala man lang Ako sa iyong puso, at hindi mo tinatanggap ang anuman sa katotohanan. Isa kang taong gumagawa ng masama. Lumayo ka sa Akin!” Ito ang mga kaisipan sa kaloob-looban ng Diyos. Hindi mo mahal ang katotohanan, hindi mo nauunawaan na ang Diyos ang katotohanan, ang daan, at ang buhay, at wala kang kaalaman mula sa karanasan. Hindi mo kayang maglabas ng anumang tunay na mga karanasan para magpatotoo na ang Diyos na sinasampalatayaan mo ay ang katotohanan, ang daan, at ang buhay. Kung gayon makakamit mo ba ang pagsang-ayon ng Diyos? Hindi ka makapagpatotoo sa Diyos. Nabubuhay ka pa rin alinsunod sa isang satanikong disposisyon, ginagawa anuman ang gusto mo; walang malinaw na kaibahan sa pagitan mo at ng isang walang pananampalataya. Halos hindi mo magawang maghimagsik laban sa makasarili at kasuklam-suklam na kababawang mayroon ka, at nahihirapan kang lutasin ang iyong mga kuru-kuro at paghihimagsik. Sa tuwing nagsasaayos ang Diyos ng mga sitwasyon para sa iyo, hindi mo natututunan ang iyong aral, at wala kang malinaw na napala matapos ang ilang taon ng karanasan, kaya imposibleng malinis ang iyong tiwaling disposisyon. Dalawampung taon, tatlumpung taon, o higit ka pa mang manalig sa Diyos, kung ang iyong paghihimagsik, paglaban, at ang iyong tiwaling disposisyon ay hindi man lang nalutas o nalinis, isa kang matandang diyablong hindi pa nahahawakan, na talagang hindi pa rin nagbabago. Ito ay sapat na upang patunayan na isa kang hindi mananampalataya, at madali kang matitiwalag.

May ilang taong nananalig sa Diyos sa loob ng maraming taon, nakikinig sa maraming sermon, at nakauunawa ng maraming doktrina, kaya inaakala nilang nakamit na nila ang tunay na daan, na nakamit na nila ang Diyos, at inaakala nila na nakamit na nila ang buhay; pero sa mga karaniwang bagay, nagsisikap pa rin sila para sa kasikatan at pakinabang. Sinasaktan at ibinubukod pa nga nila ang iba, na lubos na naglalantad ng kanilang makasarili at kasuklam-suklam na kapangitan. Bakit hindi man lang nila matanggap ang katotohanan o maisagawa ito? Ang alam lang nila ay magpahayag ng ilang salita at doktrina, at mali nilang inaakalang natamo na nila ang buhay. Hindi ba’t ito ang kaawa-awang kalagayan ng tao? Ni hindi nila maisantabi ang sarili nilang mga interes, at hindi sila makapagdusa nang kaunti; kaya ano ang mapagdudusahan nila? Mula simula hanggang wakas, nakikita nila ang sarili nilang mga interes at makasariling pagnanasa bilang mas mahalaga kaysa sa anumang bagay. Ganito na sila nang magsimula silang manampalataya sa Diyos, hindi kailanman nagbago hanggang sa kasalukuyan; pakiramdam pa rin nila ay mabuti sila. Bakit ganoon? Iniisip nilang maraming taon na silang sumasampalataya sa Diyos, ginagawa ang kanilang tungkulin hanggang sa kasalukuyan; iniisip nilang medyo nagdusa na sila, at malaki ang kanilang mga kontribusyon, na nakatataas sila sa iba sa lahat ng paraan—itong mga taong nakinig sa mga sermon sa loob ng maraming taon ang partikular na nakararamdam ng kataasan, at mali nilang inaakala na nakamit na nila ang Diyos. Ang mga sinusumpaan nila at ang ipinapahayag nilang determinasyon ay kaparehong-kapareho lang noong una silang nagsimulang manalig sa Diyos. Hindi man lang nagbago ang kanilang determinasyon o ang kanilang mga panunumpa, maging ang kanilang sigasig o kalooban. Malaki pa rin ang enerhiyang iginugugol nila para sa Diyos, pero may mga bagay rin na hindi nagbago, ibig sabihin, ang kanilang mapagmataas, mapaghimagsik, mapanlinlang, at mapagmatigas na mga disposisyon ay hindi pa nagbabago kahit kaunti. Kaya iniisip Ko, ano ba ang ginagawa ng mga taong ito sa loob ng mga taong iyon? Nananalig sila sa Diyos at ginagawa nila ang kanilang mga tungkulin mula bukang-liwayway hanggang dapit-hapon bawat araw, iginugugol ang halos buong buhay nila, kaya inaakala nilang nakamit na nila ang Diyos at ang tunay na daan. Ito ba ang katotohanan sa bagay na ito? Nakumpirma ba ng Diyos ang kanilang mga nararamdaman? Ano ba ang gustong makita ng Diyos? Hindi ba’t isa itong paksa na karapat-dapat na pag-isipan? Kung may malinaw na hindi pagkakatugma sa pagitan ng pakiramdam ng isang tao na mabuti siya at ng paraan ng pagtingin ng Diyos sa kanya, sino roon ang may problema? (Ang tao.) Tiyak iyon, dahil hindi maaaring magkamali ang Diyos. Hindi nagbago kailanman ang pamantayan na hinihingi ng Diyos sa tao; sa halip, palagi itong binibigyan ng maling pakahulugan ng tao, palagi itong inuunawa sa paraang kapaki-pakinabang sa kanya. Iniisip ng ilang tao: “Nanalig sa Diyos ang mga taong ito nang halos buong buhay nila. Kung talagang hindi sila sinasang-ayunan ng Diyos, hindi ba’t labis silang kaawa-awa?” Karapat-dapat bang kaawaan at karapat-dapat bang damayan ang mga ganitong tao? Kapag sinabi mong hindi sila karapat-dapat na kaawaan, hindi karapat-dapat na damayan, hindi ba ito labis na malupit sa kanila? Hindi. Bakit Ko ito sinasabi? (Dahil binigyan na ng Diyos ang mga tao ng sapat na mga oportunidad. Sila mismo ay hindi naghahangad, at sila ang may kasalanan kung bakit may mga paltos sa kanilang mga paa.) Sa mas diretsahang pananalita, nararapat ito sa kanila, at hindi sila karapat-dapat na kaawaan. Kapag nagsasalita Ako tungkol sa ibang tao, iniisip ninyong lahat na: “Nararapat ito sa iyo! Ikaw ang may kasalanan kung bakit may mga paltos sa mga paa mo. Walang pumigil sa iyo na makinig sa mga salita ng Diyos! Ayaw sa iyo ng Diyos, at hindi ako nakikisimpatya o naaawa sa iyo. Nararapat ito sa iyo!” Pero kung sa inyo ito mangyayari, susuriin ba ninyo ang sarili niyong konsensiya at pagninilayan ba ninyo ang inyong sarili? Ano ang dapat ninyong isipin? Paano kayo dapat mag-isip nang rasyonal, nang may katwiran at konsensiya, sa papel na dapat gampanan ng isang nilikha, at nang may mga kaisipan at may saloobin na dapat taglay nito? Paano kayo dapat mag-isip at kumilos para makapagbigay kayo ng pinakamakatwiran at pinakapatas na pagsasalaysay na posible sa Diyos at sa tao? (Diyos ko, gusto kong magsalita nang kaunti tungkol sa sarili kong mga damdamin. Sa tingin ko ay maraming taon na akong nananalig sa Diyos, pero hindi ko pa rin nakakamit ang katotohanan. Ito ay hindi dahil sa may nagawang mali ang Diyos, o dahil walang natamong mga resulta ang mga gawain ng Diyos, kundi dahil hindi ko hinangad ang katotohanan. Iniisip ko ang halimbawang ibinigay ng Panginoong Jesus: Pareho lang ang sahod ng mga pumapasok sa ubasan nang maaga at ng mga pumapasok sa ubasan nang huli na. Para sa mga tumatanggap sa gawain ng Diyos nang maaga at sa mga tumatanggap ng Kanyang gawain nang huli na, lubhang patas at makatwiran ang Diyos sa kung ano ang ibinibigay Niya sa kanilang lahat. Kung hindi hinahangad ng isang tao ang katotohanan, at sa huli ay hindi niya nakamit ang mga katotohanang ipinagkakaloob ng Diyos sa mga tao, ito ay hindi dahil hindi siya binigyan ng Diyos ng sapat na panahon, kundi dahil hindi niya pinahahalagahan o tinatanggap ang katotohanan; isa-isa niyang napalalampas at naiwawala ang mga oportunidad na ibinigay ng Diyos sa kanya. May ilang taong sandali pa lang nananalig sa Diyos, gayunpaman ay kayang tanggapin at hangarin ang katotohanan. Matapos dumanas ng ilang taon ng paghatol, pagkastigo, at pagpupungos ng mga salita ng Diyos, nagkakamit sila ng ilang pagbabago, at naililigtas sila. Ang lahat ng ginawang ito ng Diyos ay matuwid. Ito ang ilan sa aking damdamin matapos kong makinig sa pagbabahagi ng Diyos.) Napakahusay! Una nating bigyan ng pa ang usaping ito mula sa pananaw ng isang tao. Kung hindi nagkatawang-tao ang Diyos para iligtas ang sangkatauhan, sa anong sitwasyon sana humantong ang lahat ng nananalig sa Diyos? Sila ay ganap na mabubuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, sa mga daluyong ng kabuktutan, at sa gitna ng tiwaling sangkatauhan. Ang pamumuhay sa gitna ng tiwaling sangkatauhan ay katumbas ng pamumuhay sa kulungan ng mga diyablo, pamumuhay sa yungib ng mga demonyo, o pamumuhay sa isang malaking kawa na pangtina. Kung ang isang tao ay hindi nananalig sa Diyos, napakanatural na gagawin niya ang anumang nais niya, gagawa siya ng masasamang bagay o kasamaan. Palalim nang palalim ang kanyang katiwalian, at lalo siyang nagiging buktot, lalong nagiging hindi makatwiran, at sa huli, siya ay nagiging buhay na demonyo. Mukha siyang tao sa kanyang mga salita at gawa, pero ang kanyang buong pag-iisip at disposisyon ay naging gaya na ng sa isang buhay na demonyo. Ano ang kalalabasan ng ganitong mga tao? Hindi ba’t ang magiging kalalabasan nila ay kapareho ng kay Satanas? (Oo.) Ganap silang binihag ni Satanas. Mga katuwang sila ni Satanas, sila ay naging mga kasabwat at tagasunod ni Satanas, at sila ay lumalaban din sa Diyos gaya ni Satanas. Kaya wala na silang pagkakataong magbago, at sa huli, ang kanilang kalalabasan ay ang maparusahan at malipol. Ito ay pagsasalita tungkol sa mga tao. Kung hindi ka nananalig sa Diyos, hindi ka ililigtas ng Diyos. Maaaring napakalaya mo sa mundong ito, nagagawa mo ang anumang nais mo, at kumikilos ka kung paano mo man gusto; maaaring hindi ka kailangang pigilin ng konsensiya at katwiran, o hindi mo kailangang tumanggap o magsawa ng katotohanan, lalo na ang tumanggap ng pagpupungos at pagdidisiplina. Nabubuhay ka lang alinsunod sa iyong sariling mga kagustuhan, nabubuhay sa pamamagitan ng pagsunod sa mga kalakaran ng mundo, hanggang sa ganap ka nang magbago at maging walang katwiran, walang pagkadama ng konsensiya. Lubos at ganap kang sumasama hanggang maging isa kang buhay na demonyo, isang buhay na Satanas, isang buhay na diyablo sa loob at labas; hindi mo na kailangang magbalatkayo o magbalot ng iyong sarili—isa kang tunay na Satanas, isang diyablo. Ito ang resulta ng pamumuhay ng mga walang pananampalataya sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, at sa huli, dapat silang lipulin ng mga sakuna. Ipagpalagay na ang isang tao ay nananalig sa Diyos, pero hindi niya kailanman magawang tanggapin ang katotohanan, hindi niya kailanman magawang kilalanin ang kanyang sarili, at hindi siya tunay na nagsisisi; maraming taon na siyang nananalig sa Diyos, pero hindi siya nagbago ni kaunti; hindi nanumbalik ang kanyang konsensiya at katwiran, at ang kanyang paraan ng pamumuhay ay kapareho ng sa isang walang pananampalataya. Paano man hinahatulan at kinakastigo ng Diyos ang mga tao, at paano man nagbabahagi tungkol sa katotohanan ang sambahayan ng Diyos, hindi niya ito binibigyan ng atensyon. Ang mga gayong tao ay mga hindi mananampalataya, ang mga buktot na nakapasok sa sambahayan ng Diyos. Nagbigay na ang Diyos ng maraming oportunidad para makamit ang katotohanan at kaligtasan, at maraming taon nang nananalig ang mga tao nang hindi binibigyan ng atensyon ang mga layunin ng Diyos; hinahangad pa rin nila ang mga kasiyahan ng laman gaya ng dati, kumakain, umiinom, at nagpapakasaya. Wala silang konsensiya, walang mga positibong elemento ng pagkatao; lumagpas na sila sa punto kung saan pwede pa silang maligtas, lumagpas na sa punto kung saan pwede pa silang makabalik. Sinusukuan na sila ng Diyos, at hindi sila inililigtas; hindi na kailangan pang banggitin ang kanilang kalalabasan. Sa puntong ito, nagtatapos na ang kanilang buhay ng pananalig sa Diyos; nagtatapos na ang landas ng kanilang pananalig sa Diyos. Ang kanilang kalalabasan ay nakatakda na—ito na ang kanilang kalalabasan. Ano ang mararamdaman ng puso ng isang tao kapag ganito ang kanyang kalalabasan? Bahagyang kikirot ang kanyang puso, siya ay labis na mababagabag at malulungkot, makararamdam na pinabayaan na siya ng Diyos, na para bang siya ay nasa isang karagatang walang hangganan, wala nang makakapitan pa, ganap na kaawa-awa at wala nang magagawa pa. Kapag hindi ka pa bumababa sa antas na iyon, hindi mo mararamdaman ang gayong uri ng sakit, pero sa sandaling umabot ka na sa puntong iyon, hindi ka na makakabalik. Sa sitwasyong ito kung saan hindi na magliligtas ng mga tao ang Diyos, sa ganitong paraan kalaunang tinatahak ng mga tao ang landas patungo sa ganitong uri ng kapalaran, at patungo sa ganitong uri ng kalalabasan. Ngunit isa bang kawalan sa Diyos ang magkaroon ang mga tao ng ganitong uri ng kapalaran, ng ganitong uri ng kalalabasan? Isa bang kawalan sa Diyos kung ang mga taong nilikha Niya ay ginawang tiwali ni Satanas, kung hindi man lang nila tinatanggap ang pagliligtas Niya, at tinatahak nila ang landas ng pagkalipol? Hinding-hindi. Titigil ba ang Diyos sa pagiging Diyos dahil nalipol ang isa sa Kanyang mga nilikha? Mawawalan ba Siya ng pagkakakilanlan at katayuan bilang Diyos, ng Kanyang diwa bilang Diyos? Babaguhin ba nito ang katotohanang Siya ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay? (Hindi.) Hindi nito ito babaguhin. Ano ang ibig sabihin nito? Tanggapin man o hindi ng mga tao ang gawain ng Diyos, matamo man nila o hindi ang kaligtasan, hindi ito kawalan sa Diyos. Isa itong aspekto ng mga bagay-bagay. Kahit pa hindi manalig sa Diyos ang mga tao at hindi gumawa ang Diyos para iligtas ang mga tao, walang mawawalang anuman sa Diyos. Si Satanas ay si Satanas pa rin; ang Diyos ay ang Diyos pa rin. Ang Siyang may kapangyarihan sa lahat ng bagay ay ang Diyos pa rin, ang Diyos pa rin ang Siyang lumikha sa lahat ng bagay, at Siya pa rin ang Siyang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Ang kapalaran ng sangkatauhan, ang kapalaran ni Satanas at ang kapalaran ng lahat ng bagay ay hawak ng mga kamay ng Diyos. Walang mababago sa katayuan ng Diyos, sa pagiging natatangi ng Diyos, sa disposisyon ng Diyos at sa diwa ng Diyos. Hindi rin marurumihan ang kabanalan ng Diyos, at walang magiging kawalan sa Kanyang gawain. Ang Diyos ay ang Diyos pa rin. Tinutulutan nito ang mga tao na maunawaan ang isang katunayan: Maging gaano man karami ang sangkatauhan, ito ay isang numero lang sa mga mata ng Diyos. Hindi ito katumbas ng anumang uri ng puwersa at hindi ito banta sa Diyos. Anumang landas ang sinusunod ng sangkatauhan, sila ay hawak ng mga kamay ng Diyos. Anumang kalalabasan ang hinaharap ng sangkatauhan, nananalig man sila sa Diyos o kinikilala ang Kanyang pag-iral o kataas-taasang kapangyarihan, wala ritong makaaapekto sa likas na pagkakakilanlan o katayuan ng Diyos, at wala ritong makaaapekto sa diwa ng Diyos. Ito ay isang katunayang hindi mababago ninuman. Pero may isang bagay na marahil ay hindi pa malinaw na nauunawaan o nararanasan ng mga tao. Kung may sinuman sa sangkatauhan na abandonahin ng Diyos, at hindi Niya ito iligtas, ang panghuling kalalabasan nito ay pagkalipol, at iyon ay hindi na mababago. Sa buong sansinukob at sa lahat ng bagay, gaano man kalaki ang mga iyon, gaano man karami ang mga bagay sa kalangitan, gaano man karami ang mga buhay, hindi nila mababago ang katunayan ng pag-iral ng Diyos, at Siya lamang ang may hawak ng kapalaran ng sansinukob at ng lahat ng bagay. Mula sa isang nabubuhay na organismo hanggang sa isang planeta, walang makaaapekto sa pag-iral ng Diyos, o makaaapekto sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, lalong walang anumang makakokontrol sa anumang ideya na mayroon ang Diyos. Ito ay isang katunayan. Naniniwala ang ilang tao na: “Hindi ako nananalig sa Iyo, kaya hindi Ka Diyos.” “Hindi marami ang mga taong nananalig sa Iyo, kaya hindi Ka Diyos.” Mapaninindigan bang sabihin ito? (Hindi.) Sinasabi ng iba na: “Kami lang ang nananalig sa Iyo, kaya ang Iyong kapangyarihan na magkaroon ng kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay at sa buong sangkatauhan ay ganito lang kalaki, hanggang dito lang.” Ganito nga ba ang lagay? (Hindi.) Ang mga taong may ganitong mga pananaw ay sobrang ignorante, sobrang hangal!

Kababahagi Ko lang tungkol sa kung paano kung hindi iniligtas ng Diyos ang mga tao, ang sangkatauhan ay mauuwi sa pagkalipol, pero hindi man lang maaapektuhan ang pagkakakilanlan at katayuan ng Diyos, lalo na ang Kanyang diwa. Malinaw ninyong nakikita ang katunayang ito, hindi ba? (Oo.) Tinatanggap man o hindi ng sangkatauhan ang katotohanan o nagagawa man nila o hindi na matamo ang kaligtasan, ang Diyos ay Diyos pa rin—ang Kanyang katayuan, pagkakakilanlan, at diwa ay hindi magbabago. Pero may malaking pagbabagu-bago pagdating sa kapalaran ng sangkatauhan. Sino ang kumokontrol ng pagbabagu-bagong iyon? Ang mga tao ba mismo? Ito ba ay isang bansa? Ito ba ay isang pinuno? Ito ba ay isang puwersa? Hindi. Ang Diyos ang Siyang namamahala sa iyong kapalaran at sa kapalaran ng sangkatauhan—ang lahat ay nasa mga kamay Niya. Kaya, dapat mong makita nang malinaw ang katunayang ito: Sa pagliligtas sa sangkatauhan, at pagliligtas sa iyo, nagpapakita sa iyo ang Diyos ng biyaya; ito ay isang dakilang pagliligtas, na siyang pinakadakila sa mga biyaya. Bakit Ko sinasabing ito ang pinakadakila sa mga biyaya? Dahil ang pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan ay hindi isang batas na hindi mababago, hindi ito isang kalakarang hindi maiiwasan, hindi rin ito isang pangangailangan. Pinipili ng Diyos na gawin ito nang malaya. Ayos lang ba kung hindi ka iniligtas ng Diyos? Hindi ka naman Niya kailangang iligtas, hindi ba? Sa simula, maaaring pauna ka nang itinadhana ng Diyos, pero kung ayaw ka Niyang piliin ngayon, at hindi ka Niya inililigtas, hindi mo makakamit ang biyayang ito. Kaya, ano ang dapat mong gawin? Dapat kang gumanap nang mabuti, at dapat mong subukan ang lahat ng posibleng paraan para magamit ang iyong mga kilos, ang iyong puso, at ang iyong tunay na pananampalataya para maantig mo ang Diyos at makamit ang Kanyang biyaya. Tiyak namang puwede itong magawa. Noong ipinalalaganap ng Panginoong Jesus ang ebanghelyo noong araw, may isang babaeng taga-Canaan—ano ang ginawa nito? (Sinapian ng isang demonyo ang anak niyang babae, kaya humingi siya ng tulong sa Panginoong Jesus. Sabi ng Panginoon na: “Hindi marapat na kunin ang tinapay sa mga anak, at itapon sa mga aso.” Ang sabi ng babae: “Ang mga aso man ay nagsisikain ng mga mumo na nangalalaglag mula sa mesa ng kanilang mga panginoon.” Sinabi ng Panginoong Jesus na malaki ang pananalig ng babae, at tinupad Niya ang mga kahilingan nito.) Ano tungkol sa babae ang sinang-ayunan ng Panginoong Jesus? (Ang kanyang pananampalataya.) Ano ba talaga ang kanyang pananampalataya? Paano natin dapat unawain ang kanyang pananampalataya? (Kinilala nito na ang Panginoong Jesus ay ang Diyos.) Sinabi ng Panginoong Jesus na ang babaeng ito ay isang aso, kaya bakit hindi sumama ang loob nito? Hindi ninyo naipaliwanag nang malinaw ang bagay na ito. Ito ang mga katunayan: Bakit sinang-ayunan ng Panginoong Jesus ang pananampalataya ng taong ito? Hindi Niya sinang-ayunan ang katunayan na payag ang babae na maging isang aso, at hindi Niya rin sinang-ayunan ang pagpayag ng babae na kumain ng mga mumo—hindi mahalaga ang lahat ng ito. Kung gayon, ano ang sinang-ayunan ng Panginoong Jesus? Iyon ay na wala itong pakialam kung tratuhin man siya ng Panginoong Jesus bilang isang aso, isang tao, isang diyablo, o isang Satanas—hindi mahalaga kung paano ito tratuhin ng Panginoong Jesus. Ang pinakamahalagang bagay ay na tinrato niya ang Panginoong Jesus bilang ang Diyos, matibay na nananalig na Siya ang Panginoon at ang Diyos, at na ito ay isang katotohanan at katunayan na hindi kailanman mababago. Ang Panginoong Jesus ang Diyos at ang Panginoon, at Siya ang Siyang kinikilala nito sa puso nito. Sapat na iyon. Iligtas man ito ng Panginoong Jesus o hindi, tratuhin Niya man ito bilang isang tao na kumain kasama Niya, bilang isang disipulo, bilang isang tagasunod, o tratuhin man Niya ito bilang isang aso, hindi ito naging mahalaga rito. Sa madaling salita, ang katunayan na kinilala niya ang Panginoong Jesus bilang ang Panginoon sa puso niya ay sapat na—iyon ang pinakamalaki niyang pananampalataya. Mayroon ba kayo ng ganitong uri ng pananampalataya? Kung isang araw ay sabihin Ko na kayong lahat ay mga bantay na aso sa sambahayan ng Diyos, papayag ka bang tanggapin ito? Kung sasabihin Ko na ikaw ang munting giliw ng sambahayan ng Diyos, ng mga tao ng Diyos, at ng mga anghel, magiging lubos itong kasiya-siya sa iyo, pero kung sasabihin Ko na isa kang aso, hindi ka matutuwa. Bakit ka hindi matutuwa? Dahil ang tingin mo sa iyong sarili ay napakaimportante. Iniisip mong: “Kinikilala ko na Ikaw ang Diyos, kaya paano Mo ako nagawang tawaging isang aso? Kinikilala ko na Ikaw ang Diyos, kaya anuman ang gawin Mo, dapat Kang maging patas at makatwiran. Magkapantay tayong dalawa, magkaibigan tayo! Nananalig ako sa Iyo, na nagpapakita na ako ay may malaking katapangan, pagmamahal, at pananampalataya. Paano Mo nasasabing isa akong aso? Hindi Mo mahal ang tao! Magkaibigan tayo, dapat tayong maging pantay ng katayuan. Nirerespeto Kita, kinatatakutan Kita, at hinahangaan Kita—dapat Mo akong irespeto, at tratuhin bilang isang tao. Isa akong tao!” Ano ang tingin ninyo sa ganitong saloobin? (Wala itong katwiran.) Kapag gusto ng mga tao na maging kapantay ang Diyos at tratuhin ang Diyos bilang kanilang kaibigan, hindi ba’t nagdudulot ito ng problema? Sinasabi mong: “Mukha Kang pangkaraniwan—sa totoo lang, mas maganda ang itsura ko kaysa sa Iyo, at mas matangkad ako sa Iyo. Umuubo Ka rin kapag dinadapuan Ka ng sipon, at napapagod Ka rin kapag marami Kang sinasabi—mas malusog ako kaysa sa Iyo. Taglay Mo lang ang katotohanan, at sa ganoong aspekto ay mas malakas Ka kaysa sa akin. Kung maraming taon akong nananalig sa Diyos at nakauunawa ako ng mas maraming katotohanan, hindi ako magiging labis na mas mababa kaysa sa Iyo. At bukod pa roon, mayroon akong kasanayan na wala Ka! Sa ganoong paghahambing, hindi Ka labis na mas dakila kaysa sa akin.” Ano ang tingin mo sa pananaw na ito? (Mali ito.) Ano ang tingin mo sa ganitong paraan ng paghahambing? Hindi maihahambing ang mga tao sa Diyos. Anong uri ng pagkakamali ang nagagawa sa ganitong paraan ng paghahambing? (Ang taong iyon ay wala sa tama niyang posisyon, at hindi niya itinuturing ang Diyos bilang Diyos. Itinuturing niya ang Diyos bilang isang karaniwang tao. Ang nakikita niya lang ay ang pagkatao ng Diyos na nagkatawang-tao, pero hindi niya nakikita ang pagka-Diyos ng Diyos.) Sa simpleng pananalita, wala siyang konsensiya o katwiran—wala siyang pagkatao. Bukod doon, hindi pa nakikita ng mga tao ang espirituwal na katawan ng Diyos, kaya itinuturing nila ang Kanyang pagkakatawang-tao bilang isang tao, at iniisip nila na ang karaniwang tao na ito ay hindi dakila o kahanga-hanga, at na madali Siyang apihin at lokohin. Ganoon lang iyon. Ang mga tao ay mga tiwaling bagay lang. Kung hindi mo hahangarin ang katotohanan, ito ang mangyayari sa paglipas ng panahon; hindi ka magkakaroon ng pusong nasisindak sa Diyos o ng may-takot-sa-Diyos na puso. Ang punto ng paghahangad ng mga tao sa katotohanan ay ang makapagpasakop sila sa Diyos. Paano man Siya kumikilos, sa anumang anyo Siya nagpapakita, o sa anumang paraan Siya nakikipag-usap sa iyo, hindi magbabago ang lugar ng Diyos sa iyong puso, o ang takot mo sa Kanya, o ang relasyon mo sa Kanya, o ang tunay mong pananampalataya sa Kanya. Hindi magbabago ang diwa at katayuan ng Diyos sa iyong puso. Ang relasyon sa pagitan mo at ng Diyos ay pamamahalaan mo nang napakaayos, naaangkop, makatwiran, may mga pamantayan, at may limitasyon. Pero kung hindi mo hinahangad ang katotohanan, magiging napakahirap makamit nito para sa iyo—hindi ito magiging madaling gawin para sa iyo. Kung hindi hinahangad ng mga tao ang katotohanan, hindi nila makikita kailanman ang diwa ng Diyos, o ang pagka-Diyos. Hindi nila malalaman kung anong mga bagay ang bumubuo sa Kanyang disposisyon o sa Kanyang tunay na mga pagbuhos. Hindi makikita ng mga tao ang mga bagay na ito. Kahit pa sabihin sa iyo ang mga ito, hindi mo makikita ang mga ito, at hindi mo rin makikilala ang mga ito.

Katatapos lang natin pag-usapan ang magiging kalalabasan ng mga tao kung hindi sila iniligtas ng Diyos. Anong kalalabasan iyon? (Pagkawasak.) Paano naman ang Diyos? (Hindi ito magkakaroon ng anumang epekto sa Diyos.) Ito ay pagsasalita mula sa perspektiba ng hindi pagliligtas ng Diyos sa mga tao; hindi maaapektuhan ang Diyos kahit kaunti, pero ang kapalaran at kalalabasan ng mga tao ay magiging miserable—ibang-iba sa mga kinalabasan ng mga taong gaya nina Job at Abraham. Kung hindi inililigtas ng Diyos ang isang tao, nabibilang ito sa puwersa ng Kanyang mga kalaban at sa hanay ng Kanyang mga kaaway. Malinaw na kakila-kilabot ang kalalabasan na ito. Pag-usapan natin ngayon kung ano ang makakamit ng isang tao mula sa kagustuhan ng Diyos na iligtas ito, at gawaan ito. Bakit ba nananampalataya ang mga tao sa Diyos? Ano ba ang hinahangad ng mga taong nananampalataya sa Diyos? Hinahangad ba nila ang kasiyahan ng Diyos? Hinahangad ba nila na magawa ang tungkulin ng isang nilikha? Hinahangad ba nila na maipahiya si Satanas at na makapagpatotoo tungkol sa Diyos? Talagang matayog pakinggan ang lahat ng dahilang ito, at medyo malabong mangyari. Kung hihingin Ko sa iyo ngayon na magsalita tungkol sa mga layon mo noong una kang manalig sa Diyos, makokonsensiya ka at mamumula habang sinasabi ang mga salitang ito; mahihirapan kang magsalita, dahil hindi katunayan ang mga iyon. Kung gayon, ano ba talaga ang mga katunayan? (Nananalig sa Diyos ang mga tao dahil naghahangad sila ng mga pagpapala.) (Naghahangad sila ng isang magandang destinasyon, o isang pinagmumulan ng espirituwal na panustos.) Bilang pagbubuod, ang mga ganitong hangarin ay medyo masagwa, at hindi gaanong maganda. Pero, kung hindi nila unang hinangad ang layong ito, mananalig ba sa Diyos ang mga tao? Tiyak na hindi nila binalak na manalig sa Diyos, at hindi rin nila ito ginusto; kung wala silang nakuhang anumang pakinabang mula rito, sino ang mananalig sa Diyos? Pagdating sa pananalig sa Diyos, iniisip ng mga tao na kung hindi sila makikinabang nang kaunti mula roon, dapat makatanggap man lang sila ng isang pangako. Anong pangako? Sabi ng ilang tao na: “Ang pangako ng Diyos ay makatatanggap kami ng isandaang ulit sa buhay na ito, at ng buhay na walang hanggan sa susunod na mundo—nangangahulugan ito na mabubuhay kami magpakailanman, hindi kailanman mamamatay. Isa itong uri ng matinding kaligayahan at pagpapala na wala pang sinuman sa mga nagdaang kapanahunan ang nagtamasa o nakatanggap noon. Bukod pa rito, kung nananalig sa Diyos ang mga tao, bibigyan Niya sila ng ilang biyaya, pagpapala, at proteksyon sa buhay na ito.” Sa madaling salita, kapag nagsisimula pa lang ang isang tao na manalig sa Diyos, ang puso nito ay marumi at hindi dalisay. Hindi ito nananalig sa Diyos para gawin ang tungkulin ng isang nilikha, para mabuhay gaya ng isang tao, para sa huli ay maisabuhay ang imahe ng isang taong minamahal ng Diyos, para mabuhay sa isang paraan na lumuluwalhati at nagpapatotoo sa Kanya, at huwag magbigay-kahihiyan sa Kanya, at para magpatotoo pa rin sa Kanya kahit pagkatapos nitong mamatay—sa halip, buong puso at kaluluwa nitong gustong mapagpala, at mas magtamasa pa ng biyaya at mga pagpapala ng Diyos sa buhay na ito. Iniisip nito na kung mararating nito ang susunod na buhay, gusto nitong magkamit ng mas malalaki pang pagpapala roon. Kapag nagsisimula pa lang manalig sa Diyos ang mga tao, ito ang mga kahilingan, intensyon, at layunin na dala-dala nila; nananalig sila sa Diyos para makamit ang mga pagpapala ng kaharian ng langit at ang pangako ng Diyos. Para sa tiwaling sangkatauhan, lehitimo ito, at hindi sisisihin ng Diyos ang mga tao dahil dito. Kapag nagsisimula pa lang manalig sa Diyos ang mga tao, mangmang silang lahat, at wala silang nauunawaan. Sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos at pagdanas ng Kanyang kaliwanagan, unti-unti nilang nauunawaan ang mga katotohanan tungkol sa pananalig sa Diyos at ang kabuluhan ng pananalig sa Diyos, pati na ang mga hinihingi ng Diyos sa tao. Sa panahon ng prosesong ito, tinatamasa ng mga tao ang pangangalaga at proteksyon ng Diyos; pinagagaling ang mga karamdaman ng ilang tao, labis na malusog ang kanilang mga katawan, mapayapa ang kanilang mga pamilya, at masaya ang kanilang mga buhay may-asawa—sa iba’t ibang paraan, tinatamasa nila ang iba’t ibang antas ng biyaya at mga pagpapala ng Diyos. Siyempre, hindi mahalaga ang lahat ng ito. Mula sa perspektiba ng Diyos, hindi ang mga ito ang pinakamalaki Niyang pagsisikap. Ano ang pinakamalaki Niyang pagsisikap? (Ang mga inaasahan Niya sa mga tao, at ang Kanyang maingat na mga pagsisikap.) “Ang maingat Niyang mga pagsisikap” ay may ilang kongkretong nilalaman, samantalang ang “mga inaasahan” ay medyo walang laman. Ano ang pinakapraktikal na pakinabang, ang pinakamahalagang bagay na natanggap ninyo mula sa Diyos? (Ang pagtutustos ng katotohanan.) (Ang pagkaunawa sa ilan sa katotohanan, at ang pagkaunawa sa ilang bagay.) Ito ay tiyak na hindi iyong tinatawag na mga biyaya at mga pagpapala. Hindi ba’t ang pinakamahahalagang bagay na tinatanggap ng mga tao mula sa Diyos ay ang Kanyang buhay, mga salita, at mga katotohanan, pati na ang landas na dapat tahakin ng mga tao bilang mga nilikha na tinutulot ng Diyos na maunawaan nila? Bilang pagbubuod, nakamit ng mga tao ang katotohanan, ang daan, at ang buhay mula sa Diyos—hindi ba’t ang mga ito ang pinakamahahalagang bagay sa lahat? (Iyon nga.) Nakamit na ba ninyo ang mga iyon? (Hindi pa namin tunay na nakakamit ang mga iyon.) Maaaring tila hindi ito kasingpraktikal na kapaki-pakinabang o tunay gaya ng kung may nagbigay sa iyo ng isandaang dolyar noong mahirap ka, o may nagbigay sa iyo ng dalawang tinapay noong nagugutom ka, pero ang katotohanan, ang daan, at ang buhay na nagmumula sa Diyos ay tunay na ipinagkakaloob sa bawat taong taos-pusong nananalig sa Kanya. Hindi ba’t isa iyong katunayan? (Oo.) Isa iyong katunayan. Gaano man karaming salita ng Diyos ang napakinggan mo, gaano man karaming katotohanan ang nagagawa mong tanggapin at ang naunawaan mo, gaano man karaming realidad ang naisabuhay mo, o gaano man karaming resulta ang nakamit mo, may isang katunayan na dapat mong maunawaan: Ang katotohanan, ang daan at ang buhay ng Diyos ay ipinagkakaloob sa bawat tao nang libre, at patas ito sa lahat. Hindi kailanman magiging paborito ng Diyos ang isang tao kaysa sa iba dahil sa kung gaano katagal na itong nananalig sa Diyos o kung gaano na ito nagdusa, at hinding-hindi Niya papaboran o pagpapalain ang isang tao dahil matagal na itong nananalig sa Diyos o dahil marami na itong pinagdusahan. Hindi Niya rin tatratuhin nang naiiba ang sinuman dahil sa edad nito, hitsura nito, kasarian nito, pinanggalingan nitong pamilya, at iba pa. Pare-pareho ang mga bagay na natatanggap ng bawat tao mula sa Diyos. Hindi Niya tinutulutan na makatanggap ang sinuman nang mas kaunti, o na makatanggap ang sinuman nang mas marami. Patas at makatwiran ang Diyos sa bawat tao. Binibigyan Niya ang mga tao ng mismong kinakailangan nila, kung kailan nila ito kailangan, hindi Niya sila hinahayaan na magutom, malamigan o mauhaw, at tinutugunan Niya ang lahat ng pangangailangan ng puso ng tao. Kapag ginagawa ng Diyos ang mga bagay na ito, ano naman ang hinihingi ng Diyos sa mga tao? Ibinibigay ng Diyos ang mga bagay na ito sa mga tao, kaya mayroon bang anumang makasariling motibo ang Diyos? (Wala.) Walang kahit anong makasariling motibo ang Diyos. Ang mga salita ng Diyos at ang gawain ng Diyos ay pawang para sa kapakanan ng sangkatauhan, at naglalayong lutasin ang lahat ng paghihirap at suliranin ng mga tao, nang sa gayon ay matamo nila ang tunay na buhay mula sa Diyos. Totoo ito. Pero kaya ba ninyo itong patunayan gamit ang mga katunayan? Kung hindi ninyo ito kayang patunayan gamit ang mga katunayan, maling-mali kayo sa pagsasabi nito at ang pahayag na ito ay isang bukambibig lang. Masasabi Ko ba ito nang ganoon? Halimbawa, hinihingi ng Diyos sa mga tao na maging matapat, na magsalita nang matapat at gumawa ng matatapat na bagay, at na hindi maging mapanlinlang. Ang kabuluhan ng pagsasabi nito ng Diyos ay upang tulutan ang mga tao na magkaroon ng tunay na wangis ng tao, at na hindi sila maging gaya ni Satanas, na nagsasalita na parang ahas na gumagapang sa lupa, laging nagsasalita nang malabo, at pinipigilan ang ibang tao na maunawaan ang katotohanan ng mga bagay-bagay. Ibig sabihin, sinasabi iyon para ang mga tao, kapwa sa salita at sa gawa, ay magsasabuhay ng wangis ng isang tao, at magiging marangal, matuwid, at disente, nang hindi nagtatago ng masamang panig o anumang kahiya-hiyang mga bagay, at nang nagtataglay ng malinis na puso. Sinasabi iyon para maging pareho ang mga tao sa kanilang loob at labas, sinasabi ang anumang iniisip nila sa kanilang puso, hindi dinaraya ang Diyos o ang sinumang ibang tao, walang tinatago, may pusong gaya ng isang dalisay na lupain. Ito ang hinihingi ng Diyos, at ito ang layon ng Diyos sa paghingi sa mga tao na maging matapat. Sa paghingi sa mga tao na maging matapat, ano ang gusto ng Diyos na makamit nila? Anong uri ng wangis ang gusto Niyang isabuhay nila? Sino ang pinakamakikinabang dito? (Ang tao.) May ilang taong hindi kailanman maunawaan ang mga layunin ng Diyos, at lagi nilang pinagdududahan ang Diyos, sinasabing: “Gusto ng Diyos na maging matapat tayo, at na kausapin natin Siya nang diretsahan at lantaran, para malaman Niya ang totoo nating sitwasyon, at pagkatapos ay makontrol at mamanipula Niya tayo, magawa tayong lubusang magpasakop sa Kanyang mga pamamatnugot at pagsasaayos.” Tama ba ang kaisipang ito? Napakadilim at walang kahihiyan ng kaisipang ito, at mga diyablo lang ang magwawari-wari tungkol sa Diyos at ang magdududa sa Kanya nang ganito. Ano ang kabuluhan ng paghingi ng Diyos sa mga tao na maging matapat, na maging mga tao na walang anumang makasariling mga motibo, intensyon, katigasan ng ulo, o adulterasyon, at walang masamang panig? Ito ay para tulutan ang mga tao na malinis ang kanilang mga tiwaling disposisyon, na unti-unting magkamit ng kabanalan, na mabuhay sa liwanag, na mamuhay nang mas malaya at hindi kontrolado, na mapuno ng kasiyahan, at mag-umapaw sa kagalakan at kapayapaan—gayon ang mga taong pinakapinagpala sa lahat. Ang layunin ng Diyos ay gawing perpekto ang mga tao, ang tulutan silang matamasa ang mga pinakadakilang pagpapala sa lahat. Kung ikaw ay magiging ganitong uri ng tao, anong mga pakinabang ang makakamit ng Diyos mula sa iyo? Mayroon bang anumang mga natatagong motibo ang Diyos? Nakikinabang man lang ba Siya rito? (Hindi.) Kung gayon, kung matapat ang isang tao, sino ang pinakanakikinabang dito? (Ang taong iyon mismo.) Anong mga pakinabang at bentahe ang matatanggap ng isang tao mula rito? (Ang puso niya ay magiging malaya at hindi kontrolado, at ang buhay niya ay dadali nang dadali; lalo siyang pagkakatiwalaan ng iba habang nakikipag-ugnayan sila sa mga iyon, at magkakaroon siya ng normal na relasyon sa ibang tao.) Ano pa? (Kapag umaasal ang mga tao nang alinsunod sa mga salita at hinihingi ng Diyos, hindi na sila masasaktan, sa halip, mamumuhay sila nang maginhawa, payapa, at masasayang buhay.) Totoong-totoo ang pakiramdam na ito. Kaya, ano ang layon ng pagliligtas ng Diyos sa tao? (Ang baguhin at linisin ang mga tao, para sa huli ay makamit Niya sila.) Ano ang bunga ng makamit ng Diyos? Ito ay ang magkamit ng kamangha-manghang destinasyon na ipinangako ng Diyos. Kung gayon, sino ang pinakamakikinabang dito? (Ang tao.) Ang tao ang pinakamakikinabang!

Ano ba ang nakakamit ng mga tao sa pagsunod sa Diyos sa loob ng maraming taon? Sasabihin ng karamihan sa mga tao na ang kanilang ani ay sagana. Sa ngayon, hindi natin pag-uusapan kung gaano kasagana ang ani ng mga taong may mahusay na kakayahan at na naghahangad sa katotohanan; kahit na iyong mga may karaniwang kakayahan ay maraming ani. Una, may kaunti bang pagkilatis ang mga tao tungkol sa masama, tiwaling mundong ito? (Oo.) Ano ang pakiramdam mo dati, noong kahalubilo mo pa ang mga walang pananampalataya? Bawat araw, pakiramdam mo ay pagod ka, naiirita, galit, api, at nasusupil; hindi ka nangahas maglabas ng galit dahil sa takot na may makabangga kang masamang tao na mang-aapi sa iyo, at hindi mo siya matatalo, kaya kailangan mong lunukin ang pagpapahalaga mo sa sarili mo. Na ang ibig sabihin, sa pamumuhay sa mundo ng mga walang pananampalataya, sa masamang mundong ito, ang mga nakasasalamuha mo ay mga diyablo; pinagmamalupitan nila ang isa’t isa, kaya nasa matinding pagdurusa ang puso mo. Ito ang pinakalantad na pakiramdam. Kaya pagkatapos manampalataya sa Diyos, ano ang nangyari sa lantad na pakiramdam na ito? Ano ang nangyari sa maliit na konsensiya at moral na pang-unawa mo? Ito ay naging totoong pagkilatis at totoong pagkaalam sa masamang kapanahunang ito. Sa pamamagitan ng pagdurusa ng maraming pag-uusig, makikita mo ang kahindik-hindik na anyo ng mga haring diyablo, gayundin ang kadiliman at kasamaan ng kapanahunang ito. Hindi ba’t isa itong ani? Kung hindi ka nananalig sa Diyos at hindi mo tinatanggap ang katotohanan, magkakaroon ka ba ng gayong ani? Dati, naramdaman mo lang na: “Paanong palubha nang palubha ang mga tao? Ang hirap isipin.” Masasabi mo pa rin ba iyon ngayon? Ngayon, may kaunting kaalaman at pagkilatis ka na sa masasamang tao, sa masasama at makamundong diyablo. Gugustuhin mo pa rin bang makisalamuha at makihalubilo sa kanila? (Hindi na.) Tiyak na hindi mo na gugustuhin. Kung sasabihan kang makipag-ugnayan at makihalo sa kanila, sa halip ay mabibigla ka, at sasabihin mong: “Ikinalulungkot ko. Hindi ko sila matatalo. Lahat ng taong iyon ay nabibilang kay Satanas, napakasama nila!” Ano ang bumago sa iyo nang husto? Hindi ba’t ito ay ang mga epekto ng salita ng Diyos? Hindi ba’t ang palaging pagsasalita kung paano makilatis ang masasamang tao, ang masamang kapanahunan, at ang masasamang kalakaran ay nagpapahintulot sa iyo na makilala ang kapanahunang ito at ang sangkatauhan? Mayroon kang ganitong kaalaman, kaya ayaw mong makihalo sa kanila; ang moralidad at konsensiya sa loob mo ay nasusuklam sa mga iyon, at nagsisimula kang magkaroon ng pagkilatis. Unti-unti mong nauunawaan ang kanilang kalikasang diwa; mula sa kaibuturan ng iyong puso, nakikita mo na sila ay mga diyablo. Ang pakikisama sa kanila ay nagpaparusa sa puso mo at pinasasama nang matindi ang loob mo kaya hindi ka na makapagpatuloy pang mabuhay; ang tanging hiling mo ay ang ihiwalay agad ang sarili mo sa kanila. May ilang tao, nang una silang pumasok sa iglesia at makasalamuha ang mga kapatid, ay nadama na: “Paano naiiba ang mga taong ito? Nagagawa nilang lahat na sabihin nang deretsahan at lantaran ang mga pinakanatatago nilang kaisipan, na gaya ng magkakapamilya. Paanong hindi man lang nila pinoprotektahan ang sarili nila sa iba? Mga hunghang ba sila, o ano? Matalino ako. Pinoprotektahan ko ang sarili ko sa iba, at hindi ko sinasabi kaninuman ang mga pinakanatatago kong kaisipan.” Habang lumilipas ang panahon, nakauunawa sila ng kaunting katotohanan; iniisip nila na kung hindi sila magsisimulang maghangad na maging isang tapat na tao, at sa halip ay palagi silang magbabalatkayo, magsisinungaling, at manlilinlang, hindi ba’t sila ay magiging isang diyablo at Satanas? Tiyak na matitiwalag sila. “Dapat kong tanggapin ang katotohanan at dapat akong maging isang tapat na tao.” Pagkatapos ay sinusubukan nilang buksan ang kanilang puso sa mga kapatid at sabihin ang kanilang mga pinakanatatagong kaisipan. Kapag paminsan-minsan ay nagsasabi sila ng mga kasinungalingan, nagdarasal sila sa Diyos, at tinatalikuran nila ang mga kasinungalingan nila, at isinasagawa nila ang asal ng isang taong tapat. Palagi silang nagsasagawa nang ganito, at isang araw ay nadarama nilang ang pamumuhay nang ganito ay talagang mabuti; hindi lang sila hindi pagod, hindi rin sila nasusupil, at hindi sila nasasaktan. Malaya at walang inaalala ang mga puso nila, at talagang nakadarama sila ng kapayapaan at kagalakan. Pagkatapos ng puntong ito, kaya na nilang ibahagi nang lantaran sa mga kapatid ang lahat ng kanilang kaisipan at ideya. “Ang sambahayan lamang ng Diyos ang may kapaligiran ng katotohanan, doon lamang nakapagpapatupad ng awtoridad ang salita ng Diyos, at doon lamang may dalisay na lupain. Sa sambahayan lamang ng Diyos na maaaring magkaroon ng higit na wangis ng tao ang mga tao habang patuloy silang nabubuhay!” Kung mayroon ka talagang ganitong mga pakiramdam, hindi mo iiwan ang Diyos, sapagkat nakikita mo na ang Diyos ay pag-ibig, at nasisiyahan ka sa Kanyang pag-ibig. Hindi ito naaarok ng mga walang pananampalataya kapag nakikita nila ang mga tao na nananalig sa Diyos at sumusunod sa Kanya sa ganitong paraan. Hindi nila nauunawaan kung ano ang ginagawa ng mga taong ito, kung bakit sila may ganoon kalaking pananalig sa Diyos, o kung bakit nagpapatuloy pa rin silang magtipon sa gayon kahirap na mga sitwasyon—kahit na paalisin at patalsikin sila ay hindi nila iniiwan ang Diyos, nagpapatuloy pa rin sila sa kanilang trabaho ng pagpapalaganap ng ebanghelyo upang maghanda ng mabubuting gawa. May ilan sa kanila na maaaring hindi mangahas na iwan ang Diyos dahil sa takot; natatakot sila na magdadala sa kanila ng kaparusahan ng Diyos ang pag-alis nila. Sasabihin Ko sa iyo ang katotohanan: Maaari kang umalis na lang nang hindi nag-aalala ang iyong puso, hindi ka parurusahan ng Diyos. Binibigyan ng Diyos ang mga tao ng kalayaan, at ang pinto sa sambahayan ng Diyos ay bukas magpakailanman; ang sinumang gustong umalis ay maaaring gawin iyon kahit kailan at kahit saan, nang walang mga paghihigpit. Pero kung may taong gustong pumasok muli pagkatapos nilang umalis, hindi iyon ganoon kasimple, sapagkat katumbas iyon ng pagtataksil sa Diyos. Kailangan nilang dumaan sa mahigpit na pagsusuri; kung totoo bang nagsisi na sila o hindi, kung mabuti ba silang tao o hindi, ay dapat na siyasatin. Pagkatapos lamang niyon saka sila maaaring tanggapin muli sa iglesia. Pero para naman sa mga gustong talikuran ang Diyos at bumalik sa mundo, ang sambahayan ng Diyos ay hindi kailanman nagkaroon ng paghihigpit. Mayroon bang kahit anong atas administratibo ang iglesia na nagsasabing hindi pinahihintulutang umalis ang ilang tao? (Wala.) Wala kailanman. Pinahihintulutan ng sambahayan ng Diyos ang sinuman na umalis sa iglesia; kung lilisanin ng isang masamang tao ang iglesia, masaya pa nga ang sambahayan ng Diyos na makita siyang umalis. Subalit may ilang tao na laging gustong ipahayag ang mabubuti nilang intensyon sa mga taong gustong umalis, na nagsasabing: “Hindi ka puwedeng umalis, mayroon ka pa ring ilang kaloob, at kakayahan. May kinabukasan ka pa rin sa iglesia, at puwede kang lubos na pagpalain sa hinaharap.” May ilang taong may mabubuting intensyon na tinatangkang himukin ang iba sa ganitong paraan, na iniisip na pagmamahal ito. May saysay ba na sabihan ang mga taong manatili nang ganito? Maaari mong mapanatili ang mga tao, pero hindi mo mapananatili ang puso nila. Ang mga hindi nagmamahal sa katotohanan ay hindi makapaninindigan sa sambahayan ng Diyos; kahit pa pilitin mo silang manatili, hindi sila taong naghahangad sa katotohanan, kaya anong mga pagpapala ang makakamit nila? Kung sila ay mga tapat na trabahador, ang pagpapala na manatili silang buhay ay hindi maliit; subalit sa mga hindi nagmamahal sa katotohanan, ang pananalig sa Diyos ay nakapapagod, kung gayon, handa ba silang magtrabaho? Kaya, ang pamamaraang ito ng panghihimok na batay sa mabuting intensyon ay may kaunting resulta sa mabuting tao, pero medyo kahangalan itong gamitin sa isang masamang tao. May mga prinsipyo sa panghihikayat sa iba. Ang panghihikayat sa mga taong kayang magsisi ay may kaunting resulta, samantalang ang panghihikayat sa masasamang tao ay walang silbi. Habang lalo mo silang sinusubukang himukin, lalo silang nasusuklam sa iyo, at ang pagkahiya nila ay nagiging galit. Ipinamamalas nito ang kahangalan—kahangalan na hikayatin ang masamang tao. May ilang tao na, bagaman hindi pa sila ganoon katagal na nananalig sa Diyos, nadarama nila sa kaibuturan ng puso nila na sa pamamagitan ng pagbabasa sa mga salita ng Diyos sa nakalipas na ilang taon ay nagkaroon sila ng kamalayan, ng malinaw na kaalaman sa maraming katotohanan, at na kahit na hindi pa nila lubusang nakakamit ang katotohanan ay medyo nagbago na sila, at tunay na marami-rami na ang nakamit nila mula sa Diyos. Bagaman kapag hinihingi sa iyong magsalita tungkol sa kaalaman at patotoong batay sa karanasan ay hindi ka pa rin makapagsalita nang malinaw tungkol dito, nadarama mo lang na nakasusulong ka sa isang mabuti at positibong direksiyon, at na hindi ka umaatras sa isang masama o negatibong direksiyon—at palagi mong sinasabi sa sarili mo na, “Kailangan kong maging mabuting tao, kailangan kong maging tapat na tao. Hinding-hindi ako puwedeng maging isang mapanlinlang na tao, lalo na na maging isang mapagmataas na tagasunod ng kasamaan, na kinasusuklaman ng Diyos. Kailangan kong maging isang taong nakalulugod sa Diyos.” Kaya, madalas na pinaaalalahanan at pinipigilan mo ang sarili mo, at pagkatapos ng ilang taon, iniisip mo na sa wakas ay kaya mo nang isabuhay ang kaunting wangis ng tao. Mula sa mga pinakatotoong damdamin, karanasan, at pagkaunawa ng mga tao, masasabi na ang tao ang pinakanakikinabang sa gawain ng Diyos habang inililigtas ng Diyos ang tao. Pagkatapos ninyong manalig sa Diyos hanggang sa kasalukuyan, ano ang napalampas ninyo? Ilalatag Ko ito para sa iyo. Napalampas mo ang magpasasa ng iyong sarili, ang gawin ang anumang magustuhan mo, ang mamuhay nang walang habag, ang mga pagkakataong makapunta sa mga kabaret at inuman para sumayaw, kumanta, at magsaya, at napalampas mo ang pagkakataong magpakabusog at magpakalango sa alak sa agos ng kasamaan. Wala kang ganitong mga araw. Pero higit pa roon, ano ang nakamit mo? Madalas, pakiramdam ng mga tao ay na ang pananalig sa Diyos ay nagpapasaya at nagpapalaya sa kanila. Ang mabuhay nang ganito habambuhay ay magiging napabuti. Karamihan sa nakakamit mo ay kasiyahan, kagalakan, at kapayapaan. Hindi ba’t tunay na pakinabang ang mga ito? (Oo.) Maaaring sabihin ng ilang tao na: “Kahit na medyo pagod ako sa pagtupad ng aking tungkulin sa nakalipas na dalawang taon, magaan naman ang pakiramdam ko.” Ang kaginhawahan at kapayapaang ito ay hindi mabibili ng salapi, ni maipagpapalit sa katayuan, katanyagan, pakinabang, o sa akademikong grado.

Para sa isang nananalig sa Diyos, ang makamit ang katotohanan ay ang makamit ang buhay, at ang makamit ang buhay ay ang makamit ang mga tunay na pakinabang. Kasabay ng pagkakamit ng tao ng mga tunay na pakinabang, ano naman ang nakakamit ng Diyos sa kanila? Ano ba ang mga hinihingi ng Diyos sa tao? Ano ba ang mga kailangang makamit ng Diyos sa tao? Lumalahok ba ang Diyos sa isang transaksyon? (Hindi.) Sa pananalita at mga kilos ng Diyos, sinabi na ba Niya na, “Sinabi Ko ang mga salitang ito, kaya dapat ninyo Akong bigyan ng ganito kalaking halaga”? Hiningan ba kayo kailanman ng Diyos ng kahit isang sentimo? (Hindi.) Hindi kailanman naniniwala ang mga nagdududang tao na walang pag-iimbot at walang kapalit na nagkakaloob ang Diyos sa sangkatauhan ng napakaraming katotohanan na maaaring maging buhay ng tao; hindi sila naniniwala sa katunayang ito. Iniisip nila na ang lahat ng bagay sa mundo ay may kapalit, na walang libreng tanghalian, kaya hindi sila naniniwala na ang lahat ng salita at gawa ng Diyos ay ipinagkakaloob sa sangkatauhan nang libre, at nang walang kapalit. Iniisip nila na kahit ganito pa, tiyak na isa itong patibong. Ang pagdududa nila sa Diyos sa ganitong paraan ay hindi na nakagugulat, dahil hindi nila kilala kung sino ang inililigtas at ginagawang perpekto ng Diyos, lalo na kung kanino ipinagkakaloob ang katotohanan. Subalit ang ginagawa ng Diyos ay totoong walang kapalit. Anuman ang hingin Niyang gawin ng mga tao, hangga’t ginagawa nila ang mga iyon, nalulugod Siya, at natatanggap ng mga tao ang Kanyang pagsang-ayon. Hangga’t matatanggap ng mga tao ang mga katotohanang ipinahahayag ng Diyos, at nabubuhay sila nang ayon sa Kanyang mga salita, ito ang resultang inaasahan ng Diyos, at ang gusto ng Diyos mula sa mga tao habang inililigtas Niya sila. Gusto ng Diyos ang katiting na ito, pero maibibigay ba ito ng mga tao sa Kanya? Ilang tao kaya ang maituturing ang hinihingi ng Diyos na ito bilang ang pinakamahalagang bagay sa lahat para masuklian Siya? Sino ang makauunawa sa puso ng Diyos? Walang sinuman, at walang kamalay-malay ang mga tao na nakamit nila ang pinakamahalagang bagay sa lahat. Bakit Ko sinasabing nakamit nila ang pinakamahalagang bagay sa lahat? Ipinagkaloob ng Diyos sa tao ang buhay Niya, ang lahat ng kung ano at mayroon Siya, para maisabuhay ito ng tao, para makuha ng tao ang lahat ng kung ano at mayroon ang Diyos, at ang mga katotohanang ipinagkaloob Niya sa tao, at gawin nilang direksiyon at mithiin ng buhay nila ang mga iyon, para mabuhay sila nang ayon sa mga salita Niya, at magawa nilang buhay nila ang Kanyang mga salita. Sa ganitong paraan, hindi ba’t masasabi na ipinagkaloob ng Diyos ang buhay Niya sa tao nang libre upang Siya ay maging buhay nila? (Oo.) Kung ganoon, ano ba ang nakukuha ng mga tao sa Diyos? Ang mga inaasahan Niya? Ang mga pangako Niya? O ano? Ang nakukuha ng mga tao sa Diyos ay hindi hungkag na salita, ito ay ang buhay ng Diyos! Kasabay ng pagkakaloob ng Diyos ng buhay sa mga tao, ang hinihingi Niya lamang sa kanila ay ang isabuhay nila ang Kanyang buhay na para bang buhay nila. Kapag nakikita ng Diyos na isinasabuhay mo ang buhay na ito, nasisiyahan Siya; ito lang ang hinihingi Niya. Kaya, ang nakakamit ng mga tao sa Diyos ay isang bagay na walang kasinghalaga, pero kasabay ng pagkakaloob Niya sa kanila ng walang kasinghalagang bagay na ito, ay wala Siyang nakukuhang anuman. Ang pinakanakikinabang ay ang tao; ang tao ang umaani nang napakasagana, at ang tao ang pinakanakikinabang. Kasabay ng pagtanggap ng mga tao sa mga salita ng Diyos bilang kanilang buhay, nauunawaan nila ang katotohanan at mayroon silang mga prinsipyo at pundasyon para sa pag-asal nila, kaya mayroon silang direksiyon para sa landas ng buhay nila. Hindi na sila nalilihis o nagagapos ni Satanas, ni nalilihis o nagagamit pa ng masasamang tao; hindi na sila nadurumihan o naaakit ng masasamang kalakaran. Malaya at walang pag-aalala silang nabubuhay sa pagitan ng langit at lupa, at tunay silang nakapamumuhay sa ilalim ng kapamahalaan ng Diyos, hindi na kailanman mapagmamalupitan ng anumang masama o madilim na puwersa. Ibig sabihin, habang isinasabuhay ng tao ang ganitong uri ng buhay, hindi na sila nagdurusa ng pasakit, at wala silang mga paghihirap; masaya, malaya at maginhawa silang nabubuhay. Mayroon silang normal na relasyon sa Diyos; hindi sila naghihimagsik sa Kanya, ni lumalaban sa Kanya. Dahil tunay silang namumuhay sa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, sa loob at labas ay nabubuhay sila sa paraan na ganap na may katwiran; mayroon silang katotohanan at pagkatao, at nagiging karapat-dapat silang tawaging sangkatauhan. Kung ihahambing ang gayon kalaking pakinabang sa kung ano ang nasa imahinasyon ng tao na mga pangakong ibinibigay ng Diyos sa tao o sa mga pagpapalang hinihiling ng tao na makamit—alin ang mas mainam? Alin ang pinakakailangan ng tao? Alin ang makapagpapasakop at makapagpapasamba sa tao sa Diyos, ang magagawang mabuhay sila nang walang hanggan, nang hindi nalilipol o naparurusahan ng Diyos? Ang kagustuhan mo bang pagpalain ang mahalaga, o ang tunay na pagsasabuhay sa buhay na ibinigay sa iyo ng Diyos ba ang mahalaga? Ano ang mas makakatulong sa iyong lumapit sa Diyos, nang hindi ka Niya kamumuhian, tatalikuran, o parurusahan? Ano ang makapagpapanatili sa buhay mo? Tanging sa pamamagitan ng pagtanggap sa katotohanan na mula sa Diyos na makakamit mo ang buhay na ito na walang hanggan. Kapag taglay mo na ang buhay na ito, ang buhay mo ay wala nang limitasyon sa oras—ito ang buhay na walang hanggan. Ang ibig sabihin nito ay kapag hindi nakamit ng isang tao ang buhay na nagmumula sa Diyos, kailangan niyang mamatay; ang buhay ng tao ay limitado sa oras. Ang buhay ba na limitado sa oras ay walang hanggang buhay pa rin? Hindi. Mahahalinhan ba ng iyong pagnanais na mapagpala ang makatanggap ng buhay na walang hanggan mula sa Diyos? Mapipigilan ba ng pagnanais ng isang tao na mapagpala ang mamatay siya? Hindi, sigurado iyon.

Pumarito ang Diyos para magpahayag ng napakaraming katotohanan. Nakakamit ng mga tao ang buhay mula sa Diyos at nakakamit nila ang buhay na walang hanggan na nagmumula sa Kanya, isang buhay na magpasawalang-hanggan. Nagbago ba ang Diyos? (Hindi.) Sa teoretikal na pananalita, ang dakilang proyekto ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan ay, sa wakas, nagsanhi sa mga tao na maging kuwalipikadong mabuhay magpakailanman nang hindi namamatay; sa antas na ito, natupad na ng Diyos ang mga kahilingan Niya, natupad na Niya ang Kanyang anim na libong taong plano ng pamamahala—ang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan. Naisakatuparan na ang dakilang gawain ng Diyos, at para bang medyo nakinabang na ang Diyos mula rito, subalit sa realidad, sino ba ang mabubuhay magpakailanman? Sino ba ang nagkakamit ng pinakamalalaking pagpapala? (Ang tao.) Ang sangkatauhan. Kung hindi makakamit ng Diyos ang mga taong ito, magbabago ba ang katayuan Niya? (Hindi.) Hindi magbabago ang katayuan ng Diyos, ni ang diwa Niya, ni ang anupamang bagay. Sa kabaligtaran, ang kapalaran ng tao ay magbabago nang malaki; hindi ito maliit na pagkakaiba, kundi pagkakaiba na parang langit at lupa! Sa isa ay mamamatay magpakailanman, ang sa isa pa ay mabubuhay nang walang hanggan. Alin ang dapat piliin ng mga tao? (Ang mabuhay nang walang hanggan.) Ano ang nais na makita ng Diyos? Ano ang pinakamalaking inaasahan Niya sa sangkatauhan? Bakit Siya magbabayad ng gayon kalaking halaga? Ipinagkaloob ng Diyos ang buhay Niya sa tao nang libre, nang walang ipinag-uutos o kapalit, at nang walang anumang karagdagang hinihingi. Ang hinihingi Niya lang sa mga tao ay ang tanggapin nila sa puso nila ang Kanyang mga salita at ang isabuhay nila ang wangis ng tao ayon sa mga hinihingi Niya, at pagkatapos noon ay magtatamo ng mga resulta ang Kanyang gawain, at matutugunan na ang mga hinihiling Niya. Subalit makitid ang utak ng mga tao; iniisip nila na sa pagsasabi ng lahat ng salitang ito at sa pagpapakain at pagpapainom ng mga ito sa mga tao at sa paghimok sa mga tao na pumasok dito, sa paghimok sa mga tao na iwaksi ang mga bagay-bagay at na igugol, paghimagsikan, at isantabi nila ang kanilang sarili, at palagi Siyang sambahin, ay maaaring nakakukuha ang Diyos ng malaking pakinabang. Ganito nga ba talaga ang nangyayari? (Hindi, hindi maramot ang Diyos. Libre Niyang ipinagkakaloob sa tao ang katotohanan, nang walang iniuutos, at nang hindi hinihingi sa mga tao na suklian Siya.) Kung titingnan ang mga bagay na ito, ang parirala bang “Hindi maramot ang Diyos” ay totoo? (Oo.) Ang Diyos ay hindi maramot. Walang pagkamakasarili sa kahit anong bagay na ginagawa ng Diyos. Kahit minsan ba ay may ginawang bagay ang Diyos para lamang sa sarili Niya, at hindi para sa tao? Wala kailanman. Hanggang sa kasalukuyan, hindi kailanman gumawa ang Diyos ng gayong bagay, na malalaman naman ng mga tao sa pamamagitan ng kanilang mga karanasan. Kasabay ng pagbibigay-daan ng Diyos sa mga tao na maunawaan ang katotohanan at makamit ang buhay na nagmumula sa Kanya, isinasaayos din Niya ang napakaraming sitwasyon, tao, pangyayari, at bagay, at binibigyan Niya ang mga tao ng mga nababagay na pagkakataon upang magawa nila ang kanilang mga tungkulin; para magkaroon sila ng mga nababagay na sitwasyon at kalagayan kung saan sapat nilang mararanasan at mauunawaan ang pagiging totoo ng Kanyang mga salita at ang katotohanang nilalaman ng mga iyon. Ginagamit Niya ang lahat ng uri ng pamamaraan, gaya ng pagpupungos, pagdidisiplina, mga pagsubok, pagpipino, mga pag-uudyok, at panghihikayat, pati na rin ang buhay iglesia at ang pagbabahaginan, pagsusuportahan, at pagtutulungan ng mga kapatid, para tulungan ang mga tao na maunawaan ang Kanyang mga layunin, para hindi sila magkamali sa pag-unawa sa puso Niya, at para tulungan ang mga taong tahakin ang tamang daan. Kasabay ng paggawa ng Diyos sa lahat ng ito, mayroon ba Siyang karagdagang hinihingi sa mga tao, na hinihingi sa mga taong gumawa ng espesyal na bagay para sa Kanya? (Wala.) Bilang pagbubuod, sa panahon na inililigtas ng Diyos ang mga tao, binibigyan Niya sila ng mga sapat na pagkakataon at sapat na espasyo, at pinagkakalooban Niya sila ng iba’t ibang makabubuti at madadaling kalagayan at sitwasyon para mapalago ang bawat tao. Kasabay nito, nililinis Niya rin ang bawat tao, at sa huli, ginagawa Niyang perpekto ang mga maaaring gawing perpekto; ginagawa Niyang perpekto ang mga nagmamahal at naghahangad sa katotohanan. Sa madaling salita, ang lahat ng ito na ginagawa ng Diyos, ito man ay ang mga salitang sinasabi Niya sa mga tao, ang gawaing ginagawa Niya, o ang halagang ibinabayad Niya, ay ginagawa Niya nang walang kapalit.

Sa katunayan, ilang taon mang gumawa ang Diyos, gaano man karami sa salita ng Diyos ang kayang maunawaan ng mga tao, gaano man karami sa katotohanan ang maisagawa nila, o gaano man karaming panustos sa buhay ang makuha nila sa Diyos, may sinuman ba sa sangkatauhan na kayang makipag-usap nang totoo sa Diyos? Isantabi muna natin sa ngayon ang tungkol sa pag-uusap—ang hinihinging ito ay medyo mataas para sa inyo sa ngayon—mayroon bang sinuman na talagang nakauunawa sa puso ng Diyos? Huwag na nating pag-usapan pa ang tungkol sa pagpapalugod sa Kanya—nauunawaan mo ba ang puso Niya? Walang sinuman ang kaya ito. Sinasabi ng ilang tao na: “Napakadakila ng Diyos, at tayong mga tao ay napakaliit. Ang Diyos ay nasa langit, at tayo ay nasa lupa. Ang isa sa mga kaisipan ng Diyos ay sapat na sa atin para pag-isipan nang ilang taon—paano natin Siya mauunawaan? Hindi ito madaling makamit, at ang pakikipag-usap sa Kanya ay mas lalong mahirap makamit.” Kung gayon, ang pagkamit ba rito ay mahirap na bagay? May antas ba ng hirap ito? Saan ba pumapasok ang hirap na iyon? Ang mga kaisipan ng Diyos ay nasa lahat ng salita Niya, nasa katotohanang ipinahayag na Niya, at nasa Kanyang disposisyon. Kung ang isang tao ay hindi hinahangad ang katotohanan, hindi nauunawaan ang katotohanan, at hindi kayang makamit ang katotohanan at ang buhay na nagmumula sa Diyos, hindi niya kailanman mauunawaan ang Diyos. Kung ang isang tao ay hindi nauunawaan ang Diyos, hindi siya kailanman makahaharap sa Diyos para makipag-usap sa Kanya, ni magkakaroon ng kakayahang gawin iyon. Ano ba ang ibig Kong sabihin sa makipag-usap? Ito ay ang lantarang buksan ang puso ng isang tao, ang magsalita mula sa puso. Alam ba ninyo kung paano gawin ito? Alam mo kung paano makipag-usap nang mula sa puso sa mga magulang mo, sa mga kapatid mo at sa matatalik mong kaibigan, subalit hindi mo alam kailanman kung paano makipag-usap sa Diyos nang mula sa puso. Saan ba nanggagaling ang problema? (Mula sa hindi pagkaunawa sa puso ng Diyos.) Bakit hindi mo maunawaan ang puso ng Diyos? (Ang tao ay walang tunay na pagkakilala sa Diyos.) Ito ang isang pangunahing dahilan. Hindi nauunawaan ng mga tao ang puso ng Diyos; hindi nila alam ang puso Niya, ni kung ano ang iniisip Niya, ang minamahal Niya, ang kinamumuhian Niya, kung bakit Siya nalulumbay, o kung bakit Siya malungkot. Hindi mo mapahalagahan ang mga bagay na ito, na nagpapatunay na hindi mo pa natatamo ang katotohanan o ang buhay na nagmumula sa mga salita ng Diyos, at na malayo pa rin ang puso mo sa Diyos. Ano ang ibig sabihin kapag ang puso ng isang tao ay malayo sa Diyos? Una, nangangahulugan ito na walang puwang ang Diyos sa puso ng mga tao; gusto pa rin nilang sila mismo ang maging sarili nilang panginoon. Ang pagpapatuloy nang gaya nito ay magdudulot sa kanila na magrebelde at lumaban sa Diyos kahit saan, sa lahat ng oras; tinatalikuran pa nga nila ang Diyos, at iniiwan Siya. May ilang tao na nahaharap sa sakuna at kalamidad at pagkatapos ay hindi nila naiintindihan ang Diyos, at nagrereklamo sila laban sa Kanya; nagsasabi sila ng mga bagay na humuhusga at tumatakwil sa Diyos. Ang gayong mga tao ay lumalaban at nagkakanulo na sa Diyos. Ito ang katotohanan tungkol sa sitwasyon. Para sa Diyos, mabuti ba o masama kung mamumuhay ang mga tao sa gayong kalagayan? (Masama.) Bakit ito masama? (Hindi ito ang gusto ng Diyos, ni ang inaasam Niyang makita.) Isang aspekto ito, at hindi inaasam ng Diyos na makita ang gayong mga bagay. Kaya ano ang mararamdaman ng Diyos sa Kanyang puso? (Manghihinayang at masasaktan.) Una, Siya ay masasaktan. Kung marami kang inaasahan sa isang tao, at inaasam mong lantaran niyang bubuksan ang kanyang puso sa iyo, pero sa halip ay lumayo siya sa iyo at nagkamali ng pagkaunawa sa iyo, laging nagtatago sa iyo at iniiwasan ka, ano ang iisipin mo? Kahit pa binuksan niya sa iyo ang puso niya at kinausap ka niya, pero ang sinabi niya ay hindi ang gusto mong marinig, ano ang iisipin mo? Hindi ba’t mararamdaman mong nag-iisa ka? (Oo.) Una, mararamdaman mong nag-iisa ka at nakahiwalay sa iba, na para bang wala kang mga minamahal, walang mga taong mapagkakatiwalaan, walang makakausap nang mula sa puso, walang mapaniniwalaan o maaasahan; makararamdam ng pag-iisa ang puso mo. Kasabay ng pagkaramdam mong nag-iisa ka, ano ang iisipin mo? Ano ang mararamdaman mo? Hindi ba’t masasaktan ang puso mo? (Oo.) Magiging masakit iyon. Madali bang malutas ang pasakit na ito? Anong mga klaseng bagay ang makababawas sa kirot na ito? Paano mo mababago ang sitwasyong ito? Uubra ba ang pagbitaw mo sa kagustuhang ito at pagkukunwaring hindi mo nakikita ang katunayang ito? (Hindi.) Kung gayon, ano ang kakailanganin mong gawin sa huli? Ano ang dapat mong piliin sa huli? Paano mababago ang gayong sitwasyon? May dalawang bagay na maaaring gawin ang Diyos. Maaaring may ibang mga pamamaraan ang tao, subalit tiyak na naiiba ang mga pagpipilian ng tiwaling sangkatauhan kumpara sa mga puwedeng gawing pagkilos ng Diyos. Ang pipiliin ng tao ay, “Kung hindi ka kikilos ayon sa aking kagustuhan, hindi kita papansinin. Kung hindi pupuwede ang taong ito, pipiliin ko na lang ang ibang tao. Kung ang una ay masama, pipiliin ko ang ikalawa.” Kikilos ba ang Diyos sa ganitong paraan? Siguradong hindi. Hindi susukuan ng Diyos ang mga bagay na gusto Niyang gawin. Kung ganoon, ano ang gagawin ng Diyos? Ito ang bagay kung saan makikita ang walang pag-iimbot na diwa ng Diyos. Una, patuloy na tutustusan ng Diyos nang walang kapalit ang mga pangangailangan ng tao, kabilang na ang mga pangangailangan ng kanilang buhay at espiritu, pati na rin ang mga pangangailangan ng kanilang mga sitwasyon at iba pang mga pangangailangan. Dagdag pa rito, gagawin ng Diyos ang ikalawang bagay, na ang siyang ginagawa na Niya sa nakalipas na ilang libong taon. Naiisip ba ninyo kung ano iyon? (Ang maghintay.) Ano pa? (Patuloy na maghihintay ang Diyos, at patuloy Niya silang gagabayan.) Tila mayroon na kayong kaunting pagkaunawa, ng ganitong takbo ng pag-iisip. Tama iyan, maghihintay Siya. Hindi pipili ang Diyos ng ikalawang pamamaraan, ang tumakas man, o sumuko, o ang bawasan ang Kanyang kalungkutan. Kasabay ng libreng pagkakaloob Niya ng mga panustos sa buhay sa sangkatauhan, naghihintay rin Siya nang walang kapalit. Ito ang ginagawa Niya. Gaano kabuti Niyang ginagawa ito? Kung gagamitin ang mga salita ng tao, hindi ba’t talagang kahanga-hanga ang Diyos? (Ginagawa ng Diyos ang lahat ng magagawa Niya at ang lahat ng dapat Niyang gawin.) Ginagawa ng Diyos ang lahat ng ito nang walang kapalit, nang sa gayon ay magkamit ng buhay na walang hanggan ang mga tao. Wala Siyang ibang hinihingi; kahit papaano man lang ay masasabing wala Siyang mga di-makatwirang hinihingi sa tao. Kasabay ng pagkakaloob ng Diyos sa tao ng lahat ng ito, walang kapalit at unti-unti Niyang ibinibigay sa tao ang Kanyang pinakaiingat-ingatan at pinakamahalagang bagay, na ang bagay na pinakanararapat pahalagahan at pagkaingatan ng tao. Habang nakakamit ng mga tao ang lahat ng bagay na ito, nagkakamit sila ng kasiyahan, kapayapaan, isang pundasyon para sa pananatiling buhay at pag-asal ng tao, at ang pinakamalalaking pakinabang na maaaring makamtan. Subalit kasabay ng mga ito, may sinuman ba sa mga taong ito ang nakaisip sa Diyos? Naisip ba nila kung ano ang Kanyang ginagawa at iniisip? Hindi nila naisip ito, hindi ba? Habang nakakamit ng mga tao ang lahat ng ito, may nagtatanong ba sa sarili nila na: “Ano ba ang ibinigay namin sa Diyos bilang kapalit ng lahat ng Kanyang ipinagkaloob sa amin? Ano ba ang napapala sa amin ng Diyos? Kapag nagkakamit kami ng kagalakan at kasiyahan, masaya kaya ang Diyos?” Maaaring hindi ito itanong o isipin ng mga tao. Kapag nagbabahaginan ang mga tao tungkol sa mga salita ng Diyos, at nababalot sila ng kasiyahan at katuwaan, may nakaisip ba sa kanila sa Diyos? Hindi sila nag-iisip; hindi sila kailanman nag-isip, at hindi nila alam kung paano mag-isip. Wala sa puso nila ang mga gayong bagay. Kasabay ng pagtanggap ng mga tao mula sa Diyos ng lahat ng ito, iniisip nila na: “Napakasuwerte ko! Napakasayang makuha ang lahat ng ito, sobrang pinagpala ako! Wala akong kasingpinagpala. Talagang salamat sa Diyos!” Nagsasabi lang ang mga tao ng isang salita ng pasasalamat; medyo nagpapasalamat lang ang kanilang kalooban. Kahit na anong tapat pa nila, o kahit na anong alab pa ng mga puso nila, o kahit na anong bigat pa ang pasaning sa tingin nila ay mabubuhat nila, at kahit na gaano pa karaming katotohanan ang sa tingin nila ay nauunawaan na nila, o ang magagawa nila para sa Diyos, kahit na kapag ang Diyos ay nasa tabi pa ng tao, pakiramdam pa rin ng Diyos ay nag-iisa Siya! Bakit Ko sinasabing pakiramdam Niya ay nag-iisa Siya? Dahil, mula simula hanggang wakas, kahit na ano pang ipagkaloob ng Diyos sa tao, ano pang gawin Niya sa kanila, sa anong anyo pa Siya magpakita sa kanila, o anong paraan pa Siya gumawa sa kanila, ihinihiwalay nila ang Diyos. Hindi ba’t ganito ang nangyayari? (Ganoon nga.) Kung ganoon, saang punto magbabago ang sitwasyong ito, para hindi na kailangan pang maghintay ang Diyos, at hindi na Niya maramdamang nag-iisa Siya? Anong mga bagay ang kailangang gawin ng mga tao at anong antas ang dapat maabot ng tayog nila para mabago ang kalagayang ito, para mabago ang katayuang ito? Saan ba ito nakadepende? (Nakadepende ito sa paghahangad ng mga tao.) Sa huli, sa tao pa rin talaga nakadepende ang bagay na ito, hindi sa Diyos. Gaya ng sinabi Ko, kapag kayang makipag-usap ng tao nang harapan sa Diyos nang mula sa puso, at kapag hindi malayo ang kanilang mga puso, kapag kaya nilang makipag-usap sa Diyos at maunawaan ang Kanyang puso, kapag alam nila kung ano ang Kanyang iniisip at kung ano ang gusto Niyang gawin, kung ano ang gusto at kinamumuhian Niya, kung bakit Siya malungkot at bakit Siya nalulugod, hindi madarama ng Diyos na nag-iisa Siya. Kung magagawa ito ng mga tao, talagang matatamo na sila ng Diyos. Ito ang tunay na ugnayang gustong makita ng Diyos sa pagitan Niya at ng tao. Naiintindihan mo ba? (Medyo.) Madali bang maintindihan ang puso ng Diyos? Kapag masigasig mong binabasa ang salita ng Diyos at buong sikap mong isinasaalang-alang at dinaranas ang bawat salita at bawat katotohanang ipinahayag Niya, unti-unti mo nang mapapasok at mauunawaan ang puso ng Diyos. Kasabay ng pagkaunawa mo sa puso ng Diyos, malalaman mo na kung paano mapalugod ang puso Niya. Kung hindi maunawaan ng isang tao ang puso ng Diyos, paano niya mapalulugod ang Diyos? Imposible ito. Ano ang paunang kondisyon para mapalugod ang Diyos? (Pang-unawa.) Una muna ang pag-intindi at pang-unawa, pagkatapos ay puwede nang pag-usapan ang tungkol sa pagpapalugod. Mahirap ba para sa inyo ang bagay na ito? (Sa pamamagitan ng pagsisikap at masigasig na pagsasaalang-alang, hindi ito mahirap.) Ang bagay na ito ay hindi talaga mahirap. Ang mga tao ay naririnig ang mga salitang sinasabi ng Diyos at nakikita ang gawaing Kanyang ginagawa; sa puso nila ay kinikilala nila ang mga salitang ito, at walang nagtatanggi sa mga ito. Nakadepende ito sa puso ng mga tao; basta’t may puso sila para dito, madali itong makamit. Kung wala kang puso, magiging mahirap ito. Hindi importante kung gaano karaming salita ang sinasabi sa iyo—lahat ng ito ay walang saysay.

Katatapos Ko lang ibahagi kung paanong ang tao ang pinakamakikinabang sa buong plano ng pamamahala ng Diyos. Hindi ba’t isa iyong katunayan? Nakita na ba ninyo ang katunayang ito? (Nakita na namin.) Narinig at naunawaan na ito ng ilang tao, at ngayon ay nagbubulay-bulay sila, “Kung gayon ay makakukuha ako ng mga tunay na pakinabang. Hindi lang ito kuwento para sa mga bata, talagang maaari kong matanggap ang buhay na walang hanggan!” Paano ninyo matatanggap ang buhay na walang hanggan? (Magsagawa ayon sa mga hinihingi ng Diyos.) Sino sa tingin ninyo ang pinakanangangailangan sa mga katotohanang ito na ipinahayag ng Diyos? Kailangan ba ng Diyos ang mga iyon? (Hindi kailangan ng Diyos ang mga iyon, ang tao ang nangangailangan sa mga iyon.) Ang tao ang pinakanangangailangan sa mga iyon; hindi kailangan ng Diyos ang mga iyon. Ipinagkaloob na ng Diyos sa tao ang mga bagay na pinakakailangan ng tao. Hindi ba’t ang tao ang pinakapinagpala? (Siya nga.) Sa ngayon, kung papipiliin ka sa pagitan ng buong mundo at ng buhay na walang hanggan, alin ang pipiliin mo? Sasabihin ng ilang hangal na tao na: “Ayaw ko ng buhay na walang hanggan, dahil hindi ko naman nakikita o nararamdaman ito. Ang paghahangad dito ay parang sobrang nakapapagod. Gusto ko ng pera, ng mansyon, at ng magarbong sasakyan—ang mga iyon ay mga pakinabang na mahahawakan!” Umiiral ba ang mga gayong tao? Hindi mo puwedeng sabihing hindi, may lahat ng klase ng estupidong tao riyan. Paano man Ako magsalita, hindi sila makauunawa, kaya hayaan mo na sila. Wala silang ganitong pagpapala. Nakapili na sila. Sa huli, makakamit mo kung ano ang pipiliin mo; dapat maging responsable ka para sa mga sarili mong pinipili. Dapat mong panagutan ang mga sarili mong pinipili; kung buhay man ito o kamatayan ay nakadepende iyon sa landas na pinili mo. Kung gusto mong lumaban sa Diyos hanggang sa wakas, nasa daan ka papuntang kamatayan. Kung sasabihin mong, “Mamumuhay ako sa pamamagitan ng pagsunod sa landas na itinuro sa akin ng Diyos,” mabubuhay ka nang palagian—mangyayari ito. Bawat salita ng Diyos ay matutupad at magiging totoo, hindi iyon maipagkakaila. Sinasabi ng ilang tao na: “Paanong hindi ko alam ang bagay na ito?” Kung hindi mo alam at sinabi Ko sa iyo, hindi mo ba ito alam? Sinasabi ng iba na: “Kahit na narinig ko na ito, hindi pa ito nakikita ng sarili kong mga mata, kaya iniisip ko pa ring hindi ito totoo.” Kung gayon ay wala nang magagawa pa. Kung walang pananampalataya ang isang tao, hindi siya maniniwala kahit pa makita ito ng dalawa niyang mata. Ang mga walang espirituwal na pang-unawa ay hindi nakaaalam, kahit na makita pa nila, hindi pa rin nila mauunawaan, kahit na marinig pa nila. Ang mga may espirituwal na pang-unawa at nakauunawa sa katotohanan ang makakikita na naisasagawa at natutupad bawat araw ang salita ng Diyos. Kung naniniwala ka na isinasagawa ng mga salita ng Diyos ang lahat ng bagay, na ang Diyos ay makapangyarihan sa lahat, na ang lahat ng salita Niya ay matutupad, dapat mong hangarin ang katotohanan. Kung nakikita mo na ang mga salita ng Diyos ay natutupad at naisasagawa sa iyo, magkakaroon ka na ng pananampalataya sa Kanya. Makatitiyak ka na ang mga pangako at pagpapala ng Diyos sa iyo ay tiyak na hihigit pa sa mahihingi o maiisip mo!

Disyembre 11, 2016

Sinundan: Sa Pananalig sa Diyos, ang Pinakamahalaga ay Isagawa at Danasin ang Kanyang mga Salita

Sumunod: Malulutas Lamang ang Isang Tiwaling Disposisyon sa Pagtanggap ng Katotohanan

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito