Pagkilala sa Diyos I

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 1

Dapat suriing muli ng bawat isa sa inyo kung paano kayo naniwala sa Diyos sa buong buhay ninyo, para makita ninyo kung, sa proseso ng pagsunod sa Diyos, tunay ninyong naunawaan, tunay ninyong naintindihan, at tunay ninyong nakilala ang Diyos, kung tunay ninyong alam kung ano ang saloobin ng Diyos sa iba’t ibang uri ng tao, at kung tunay ninyong nauunawaan ang gawaing ginagawa ng Diyos sa iyo at paano tinutukoy ng Diyos ang bawat kilos mo. Ang Diyos na ito, na nasa tabi mo, na gumagabay sa direksyon ng iyong pag-unlad, nagtatakda sa iyong tadhana, at tumutustos sa iyong mga pangangailangan—gaano mo nauunawaan ang Diyos na ito, matapos masabi at magawa ang lahat. Gaano talaga ang alam mo tungkol sa Diyos na ito? Alam mo ba kung anong gawain ang ginagawa Niya sa iyo sa bawat araw? Alam mo ba ang mga prinsipyo at layuning Kanyang pinagbabatayan sa bawat kilos Niya? Alam mo ba kung paano ka Niya ginagabayan? Alam mo ba ang paraan kung paano ka Niya tinutustusan? Alam mo ba ang mga pamamaraan ng Kanyang pag-akay sa iyo? Alam mo ba kung ano ang nais Niyang matamo mula sa iyo at kung ano ang nais Niyang makamit sa iyo? Alam mo ba ang saloobin Niya sa iba’t ibang asal mo? Alam mo ba kung isa kang taong minamahal Niya? Alam mo ba ang pinagmumulan ng Kanyang kagalakan, galit, kalungkutan, at tuwa, ang mga kaisipan at ideya sa likod ng mga iyon, at ang Kanyang diwa? Alam mo ba, sa huli, kung anong klaseng Diyos ang Diyos na ito na pinaniniwalaan mo? Ang mga ito ba at ang iba pang mga tanong na katulad nito ay isang bagay na hindi mo naunawaan o napag-isipan kailanman? Sa iyong patuloy na paniniwala sa Diyos, naiwaksi mo na ba, sa pamamagitan ng tunay na pagpapahalaga at pagdaranas sa mga salita ng Diyos, ang iyong mga maling pagkaunawa tungkol sa Kanya? Nagtamo ka na ba, matapos tumanggap ng pagdidisiplina at pagtutuwid ng Diyos, ng tunay na pagsunod at pagmamalasakit? Nalaman mo na ba, sa gitna ng pagkastigo at paghatol ng Diyos, ang pagkasuwail at ang satanikong kalikasan ng tao at nagkamit ng kaunting pagkaunawa tungkol sa kabanalan ng Diyos? Nagsimula ka na ba, sa ilalim ng patnubay at kaliwanagan ng mga salita ng Diyos, na magkaroon ng bagong pananaw tungkol sa buhay? Nadama mo na ba, sa gitna ng mga pagsubok na ipinadala ng Diyos, ang hindi Niya pagpapalampas sa mga pagkakasala ng tao gayundin sa Kanyang hinihiling sa iyo at kung paano ka Niya inililigtas? Kung hindi mo alam kung ano ang pakiramdam ng magkamali ng pagkaunawa sa Diyos, o kung paano iwaksi ang maling pagkaunawang ito, masasabi na hindi ka pa nakapasok sa tunay na pakikipagniig sa Diyos at hindi mo pa naunawaan ang Diyos kailanman, o kahit paano’y masasabi na hindi mo ninais kailanman na unawain Siya. Kung hindi mo alam kung ano ang pagdidisiplina at pagtutuwid ng Diyos, siguradong hindi mo alam kung ano ang pagsunod at pagmamalasakit, o kahit paano’y hindi ka pa sumunod o nagmalasakit talaga sa Diyos kailanman. Kung hindi mo pa naranasan kailanman ang pagkastigo at paghatol ng Diyos, siguradong hindi mo malalaman kung ano ang Kanyang kabanalan, at lalong hindi mo malilinawan kung ano ang paghihimagsik ng tao. Kung hindi ka pa talaga nagkaroon kailanman ng tamang pananaw sa buhay, o ng tamang layunin sa buhay, kundi nalilito ka pa rin at hindi makapagdesisyon tungkol sa iyong magiging landas ng buhay sa hinaharap, maging hanggang sa puntong nag-aalangan kang sumulong, tiyak na hindi mo pa natanggap kailanman ang kaliwanagan at patnubay ng Diyos; masasabi rin na hindi ka pa tunay na natustusan o naragdagan ng mga salita ng Diyos kailanman. Kung hindi ka pa nakaranas ng mga pagsubok ng Diyos, malinaw na siguradong hindi mo malalaman ang hindi pagpapalampas ng Diyos sa mga pagkakasala ng tao, ni hindi mo mauunawaan kung ano ang huling hinihiling ng Diyos sa iyo, at lalo na kung ano, sa huli, ang Kanyang gawain ng pamamahala at pagliligtas sa tao. Ilang taon man naniwala ang isang tao sa Diyos, kung hindi pa nila naranasan o nahiwatigan kailanman ang anuman sa mga salita ng Diyos, tiyak na hindi nila tinatahak ang landas tungo sa kaligtasan, tiyak na ang pananampalataya nila sa Diyos ay walang tunay na laman, tiyak na wala rin silang kaalaman tungkol sa Diyos, at malinaw na wala silang ideya man lamang kung paano magpitagan sa Diyos.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paunang Salita

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 2

Ang mga pag-aari at katauhan ng Diyos, ang diwa ng Diyos, ang disposisyon ng Diyos—lahat ay naipaalam sa Kanyang mga salita sa sangkatauhan. Kapag naranasan niya ang mga salita ng Diyos, habang ang tao ay nasa proseso ng pagsasagawa ng mga ito, mauunawaan nila ang layunin sa likod ng mga salitang sinasambit ng Diyos, at mauunawaan ang pinagmumulan at pinanggalingan ng mga salita ng Diyos, at mauunawaan at mapapahalagahan ang epektong layon ng mga salita ng Diyos. Para sa sangkatauhan, lahat ng ito ay mga bagay na kailangang maranasan, maintindihan, at matamo ng tao upang makamit ang katotohanan at buhay, maintindihan ang mga layon ng Diyos, mabago ang kanyang disposisyon, at magawang sundin ang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Kasabay ng pagdanas, pag-intindi, at pagtatamo ng tao ng mga bagay na ito, unti-unti siyang magkakaroon ng pag-unawa sa Diyos, at sa panahong ito ay magtatamo rin siya ng iba’t ibang antas ng kaalaman tungkol sa Kanya. Ang pagkaunawa at kaalamang ito ay hindi nanggagaling sa isang bagay na nawari o nabuo ng tao, kundi sa halip ay mula sa pinahahalagahan, nararanasan, nadarama, at napagtitibay niya sa kanyang kalooban. Matapos mapahalagahan, maranasan, madama, at mapagtibay ang mga bagay na ito, saka lamang nagkakaroon ng laman ang kaalaman ng tao tungkol sa Diyos; tanging ang kaalamang natatamo ng tao sa panahong ito ang tunay, totoo, at tumpak, at ang prosesong ito—ng pagkamit ng tunay na pagkaunawa at kaalaman tungkol sa Diyos sa pamamagitan ng pagpapahalaga, pagdanas, pagdama, at pagpapatibay sa Kanyang mga salita—ay walang iba kundi ang tunay na pagniniig sa pagitan ng tao at ng Diyos. Sa gitna ng ganitong klaseng pagniig, tunay na nauunawaan at naiintindihan ng tao ang mga layon ng Diyos, tunay na nauunawaan at nalalaman ang mga pag-aari at katauhan ng Diyos, tunay na nauunawaan at nalalaman ang diwa ng Diyos, unti-unting nauunawaan at nalalaman ang disposisyon ng Diyos, nararating ang tunay na katiyakan, at tamang pakahulugan, sa katunayan ng kapamahalaan ng Diyos sa lahat ng nilikha, at nagkakamit ng tunay na kaugnayan at kaalaman tungkol sa identidad at posisyon ng Diyos. Sa gitna ng ganitong klaseng pagniniig, unti-unting binabago ng tao ang kanyang mga ideya tungkol sa Diyos, na hindi na iniisip na Siya ay nagmula sa kawalan, o pinalalakas ang sarili niyang mga hinala tungkol sa Kanya, o nagkakamali sa pag-unawa sa Kanya, o isinusumpa Siya, o hinuhusgahan Siya, o pinagdududahan Siya. Sa gayon, mababawasan ang mga pakikipagtalo ng tao sa Diyos, at mababawasan ang pakikipaghidwaan niya sa Diyos, at mababawasan ang mga pagkakataon na naghihimagsik ang tao laban sa Diyos. Bagkus, madaragdagan ang pagmamalasakit at pagsunod ng tao sa Diyos, at magiging mas tunay at malalim ang pagpipitagan niya sa Diyos. Sa gitna ng gayong pagniniig, hindi lamang makakamit ng tao ang pagtustos ng katotohanan at ang pagbabago ng buhay, kundi kasabay nito ay magkakamit din siya ng tunay na kaalaman tungkol sa Diyos. Sa gitna ng gayong pagniniig, hindi lamang mababago ng tao ang kanyang disposisyon at matatanggap ang kaligtasan, kundi kasabay nito ay magkakaroon din siya ng tunay na pagpipitagan at pagsamba ng isang nilikha sa Diyos. Sa pagkakaroon ng ganitong klaseng pagniniig, ang pananampalataya ng tao sa Diyos ay hindi na magiging isang blangkong piraso ng papel, o isang pangako sa salita lamang, o isang anyo ng bulag na paghahangad at pag-idolo; sa ganitong klaseng pagniniig lamang lalago ang buhay ng tao tungo sa pagyabong araw-araw, at ngayon lamang unti-unting mababago ang kanyang disposisyon, at ang kanyang pananampalataya sa Diyos, mula sa pagiging malabo at walang-katiyakang paniniwala, ay unti-unting magiging tunay na pagpipitagan, at ang tao, sa proseso ng pagsunod sa Diyos, ay unti-unti ring susulong mula sa pagiging walang-kibo tungo sa pagiging aktibo, mula sa pagiging negatibo tungo sa pagiging positibo; sa ganitong klaseng pagniniig lamang makakarating ang tao sa tunay na pagkaunawa at pagkaintindi sa Diyos, sa tunay na kaalaman tungkol sa Diyos. Dahil karamihan sa mga tao ay hindi pa nakapasok kailanman sa tunay na pakikipagniig sa Diyos, ang kanilang kaalaman tungkol sa Diyos ay hanggang sa teorya lamang, hanggang sa mga titik at doktrina. Ibig sabihin, karamihan sa mga tao, ilang taon man sila naniwala sa Diyos, pagdating sa pagkilala sa Diyos ay hindi pa rin sumusulong mula sa kanilang pinagsimulan, natigil sa pundasyon ng tradisyunal na mga uri ng pagsamba, sa kanilang mga makalumang pamahiin at mga bahid ng romansa. Na ang kaalaman ng tao tungkol sa Diyos ay dapat itigil sa simula pa lamang ay nangangahulugan na talagang hindi ito umiiral. Maliban sa pagpapatibay ng tao sa posisyon at identidad ng Diyos, hindi pa rin maipahayag nang husto ang pananampalataya ng tao sa Diyos. Dahil dito, gaanong tunay na pagpipitagan ang kayang panatilihin ng tao para sa Diyos?

Gaano man katatag ang paniniwala mo sa pag-iral ng Diyos, hindi nito mapapalitan ang iyong kaalaman tungkol sa Diyos, maging ang paggalang mo sa Diyos. Gaano mo man natamasa ang Kanyang mga pagpapala at Kanyang biyaya, hindi nito mapapalitan ang iyong kaalaman tungkol sa Diyos. Gaano ka man kahandang italaga ang lahat-lahat mo at gugulin ang lahat-lahat mo para sa Kanyang kapakanan, hindi nito mapapalitan ang iyong kaalaman tungkol sa Diyos. Marahil ay lubha kang naging pamilyar sa mga salitang nasambit Niya, o kabisado mo pa nga ang mga ito at mabibigkas mo nang pabaligtad, ngunit hindi nito mapapalitan ang iyong kaalaman tungkol sa Diyos. Gaano man kaseryoso ang tao sa pagsunod sa Diyos, kung hindi pa siya nagkaroon kailanman ng tunay na pakikipagniig sa Diyos o nagkaroon ng tunay na karanasan sa mga salita ng Diyos, ang kaalaman niya tungkol sa Diyos ay walang laman, o isang walang-katapusang pangangarap; sa lahat ng iyan maaaring nakabunggo mo na ang Diyos nang bahagya, o nakaharap Siya, wala ka pa ring kaalaman tungkol sa Diyos, at ang iyong pagpipitagan sa Diyos ay puro hungkag na salitang walang laman o isang ulirang konsepto.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paunang Salita

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 3

Maraming tao ang sumusuporta sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos araw-araw, hanggang sa puntong maingat nilang isinasaulo ang lahat ng klasikong sipi roon bilang kanilang pinakaiingatang pag-aari, at bukod pa riyan ay ipinangangaral nila ang mga salita ng Diyos kahit saan, tinutustusan at tinutulungan ang iba sa mga salita ng Diyos. Iniisip nila na ang paggawa nito ay pagpapatotoo sa Diyos, pagpapatotoo sa Kanyang mga salita, na ang paggawa nito ay pagsunod sa daan ng Diyos; iniisip nila na ang paggawa nito ay pamumuhay ayon sa mga salita ng Diyos, na ang paggawa nito ay pagdadala ng Kanyang mga salita sa kanilang tunay na pamumuhay, na ang paggawa nito ay magbibigay-daan para purihin sila ng Diyos, at maligtas at magawang perpekto. Ngunit, kahit ipinangangaral nila ang mga salita ng Diyos, hindi nila kailanman sinusunod ang mga salita ng Diyos sa kanilang pagsasagawa, o sinusubukang ihambing ang kanilang sarili sa inihahayag sa mga salita ng Diyos. Sa halip, ginagamit nila ang mga salita ng Diyos para matamo ang paghanga at tiwala ng iba sa pamamagitan ng pandaraya, para pasuking mag-isa ang pamamahala, at lustayin at nakawin ang kaluwalhatian ng Diyos. Umaasa sila, nang walang saysay, na samantalahin ang pagkakataong ibinibigay sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng mga salita ng Diyos para magantimpalaan ng paggawa ng Diyos at ng Kanyang papuri. Ilang taon na ang lumipas, ngunit hindi lamang walang kakayahang maani ng mga taong ito ang papuri ng Diyos sa proseso ng pangangaral ng mga salita ng Diyos, at hindi lamang sila walang kakayahang tuklasin ang daan na dapat nilang sundan sa proseso ng pagpapatotoo sa mga salita ng Diyos, at hindi lamang nila hindi tinulungan o tinustusan ang kanilang sarili sa proseso ng pagtulong at pagtustos sa iba sa mga salita ng Diyos, at hindi lamang sila walang kakayahang kilalanin ang Diyos, o pukawin ang kanilang sarili sa tunay na pagpipitagan sa Diyos, sa proseso ng paggawa ng lahat ng bagay na ito; kundi, bagkus, lalong lumalalim ang kanilang mga maling pagkaunawa tungkol sa Diyos, lalo pang lumalala ang kawalan nila ng tiwala sa Kanya, at lalong lumalabis ang kanilang mga imahinasyon tungkol sa Kanya. Dahil tinutustusan at ginagabayan ng kanilang mga teorya tungkol sa mga salita ng Diyos, mukha silang masiglang-masigla, na para bang ginagamit nila ang kanilang angking mga galing nang walang kahirap-hirap, na para bang natagpuan na nila ang kanilang layunin sa buhay, kanilang misyon, at para bang nagkaroon na sila ng bagong buhay at naligtas, na para bang, sa mga salita ng Diyos na malutong na binibigkas ng kanilang dila, natamo na nila ang katotohanan, naintindihan ang mga layon ng Diyos, at natuklasan ang landas tungo sa pagkilala sa Diyos, na para bang, sa proseso ng pangangaral ng mga salita ng Diyos, madalas nilang makaharap ang Diyos. Gayundin, madalas silang “nauudyukan” na manaka-nakang umiyak, at, madalas na inaakay ng “Diyos” sa mga salita ng Diyos, mukha silang walang-tigil sa pag-intindi sa Kanyang maalab na pagmamalasakit at mabuting layon, at kasabay noon ay naintindihan nila ang pagliligtas ng Diyos sa tao at ang Kanyang pamamahala, nalaman ang Kanyang diwa, at naunawaan ang Kanyang matuwid na disposisyon. Batay sa pundasyong ito, tila lalo pang tumibay ang kanilang paniniwala na mayroong Diyos, mas napapansin nila ang Kanyang dakilang kalagayan, at nadarama nang mas matindi ang Kanyang karingalan at kadakilaan. Babad sa mababaw na kaalaman tungkol sa mga salita ng Diyos, magmumukhang lumago na ang kanilang pananampalataya, lumakas ang determinasyon nilang magtiis ng pagdurusa, at lumalim ang kaalaman nila tungkol sa Diyos. Hindi nila alam na, hangga’t hindi nila nararanasan talaga ang mga salita ng Diyos, lahat ng kaalaman nila tungkol sa Diyos at ang kanilang mga ideya tungkol sa Kanya ay nanggagaling sa sarili nilang mga minimithing imahinasyon at haka-haka. Hindi tatagal ang kanilang pananampalataya sa ilalim ng anumang klaseng pagsubok ng Diyos, ang kanilang tinatawag na espirituwalidad at tayog ay hindi talaga tatagal sa ilalim ng pagsubok o pagsusuri ng Diyos, ang kanilang matibay na pasiya ay isang kastilyong buhangin lamang, at ang tinatawag nilang kaalaman tungkol sa Diyos ay kathang-isip lamang nila. Sa katunayan, ang mga taong ito na nagsisikap nang husto, kahit paano, sa mga salita ng Diyos, ay hindi pa natanto kailanman kung ano ang tunay na pananampalataya, ano ang tunay na pagsunod, ano ang tunay na pagmamalasakit, o ano ang tunay na kaalaman tungkol sa Diyos. Kinukuha nila ang teorya, imahinasyon, kaalaman, kaloob, tradisyon, pamahiin, at maging ang mga kagandahang-asal ng sangkatauhan, at ginagawang “puhunan” at “mga sandata” ang mga ito sa paniniwala sa Diyos at pagsunod sa Kanya, ginagawa pa ngang pundasyon ang mga ito ng kanilang paniniwala sa Diyos at pagsunod sa Kanya. Kasabay nito, kinukuha rin nila ang puhunan at mga sandatang ito at ginagawang mga anting-anting para kilalanin ang Diyos, harapin at pakitunguhan ang mga pagsusuri, pagsubok, pagkastigo, at paghatol ng Diyos. Sa huli, ang natamo pa rin nila ay walang iba kundi mga palagay tungkol sa Diyos na puno ng relihiyosong pakahulugan, makalumang pamahiin, at lahat ng romantiko, katawa-tawa, at misteryoso. Ang kanilang paraan ng pagkilala at paglalarawan sa Diyos ay katulad ng sa mga taong naniniwala lamang sa Langit sa Itaas o sa Matandang Tao sa Langit, samantalang ang pagiging totoo ng Diyos, ang Kanyang diwa, Kanyang disposisyon, Kanyang mga pag-aari at katauhan, at iba pa—lahat ng may kaugnayan sa totoong Diyos Mismo—ay mga bagay na hindi naintindihan ng kanilang kaalaman, na lubhang hiwalay sa kanilang kaalaman, at magkasinglayo pa na tulad ng hilaga at timog. Sa ganitong paraan, bagama’t ang mga taong ito ay nasa ilalim ng panustos at pangangalaga ng mga salita ng Diyos, sila magkagayunman ay hindi tunay na nakatahak sa landas ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan. Ang totoong dahilan nito ay na hindi talaga nila nakilala ang Diyos kailanman, ni hindi sila nagkaroon ng tunay na pakikipag-ugnayan o pakikipagniig sa Kanya kailanman, kaya nga imposible silang magkaunawaan ng Diyos, o mapukaw sa kanila ang tunay na paniniwala, pagsunod, o pagsamba sa Diyos. Na dapat nilang isaalang-alang ang mga salita ng Diyos nang gayon, na dapat nilang isaalang-alang ang Diyos nang gayon—ang pananaw at saloobing ito ang naging dahilan kaya bumalik sila na walang napala sa kanilang mga pagsisikap, kaya hindi nila nagawa kailanman na tumahak sa landas ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan sa buong kawalang-hanggan. Ang layuning kanilang inaasam, at ang direksyong kanilang tinutungo, ay nagpapahiwatig na sila ay mga kaaway ng Diyos hanggang sa kawalang-hanggan, at na hindi sila kailanman tatanggap ng kaligtasan hanggang sa kawalang-hanggan.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paunang Salita

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 4

Kung, sa sitwasyon ng isang taong nakasunod sa Diyos nang maraming taon at natamasa ang panustos ng Kanyang mga salita nang maraming taon, ang paglalarawan nila sa Diyos ay totoong magiging katulad ng sa isang taong nagpapatirapa sa pagsamba sa mga idolo, pahiwatig ito na hindi pa natamo ng taong ito ang realidad ng mga salita ng Diyos. Ito ay dahil talagang hindi pa sila nakapasok sa realidad ng mga salita ng Diyos, at dahil dito, ang realidad, ang katotohanan, ang mga layon, at mga hinihiling sa sangkatauhan, na nakapaloob lahat sa mga salita ng Diyos, ay walang anumang kinalaman sa taong iyon. Ibig sabihin, gaano man magsumikap ang taong iyon sa mababaw na kahulugan ng mga salita ng Diyos, lahat ay walang saysay: Dahil mga salita lamang ang kanilang pinagsusumikapan, kaya talagang ang matatamo nila ay mga salita lamang. Simple man o malalim sa tingin ang mga salitang sinasambit ng Diyos, lahat ng iyon ay mga katotohanang kailangang-kailangan ng tao habang pumapasok siya sa buhay; ang mga iyon ang pinagmumulan ng tubig na buhay na nagbibigay sa tao ng kakayahang mabuhay kapwa sa espiritu at laman. Ipinagkakaloob ng mga ito ang kailangan ng tao para manatiling buhay; ang mga prinsipyo at doktrina para pangasiwaan ang kanyang pang-araw-araw na buhay; ang landas na kailangan niyang tahakin para maligtas, pati na rin ang layunin at direksyon nito; bawat katotohanan na dapat niyang taglayin bilang isang nilikha sa harapan ng Diyos; at bawat katotohanan tungkol sa kung paano sumusunod ang tao at sumasamba sa Diyos. Ang mga iyon ang garantiya na tumitiyak ng pananatiling buhay ng tao, ang mga iyon ang pang-araw-araw na tinapay ng tao, at ang mga iyon din ang matibay na suportang nagbibigay-kakayahan sa tao na maging malakas at manindigan. Sagana ang mga iyon sa realidad ng katotohanan na ginagamit ng nilikhang sangkatauhan para isabuhay ang normal na pagkatao, sagana sa katotohanang nagpapalaya sa sangkatauhan mula sa katiwalian at iniiwas sila sa mga patibong ni Satanas, sagana sa walang-pagod na pagtuturo, pangaral, paghihikayat, at pag-aliw na ibinibigay ng Lumikha sa nilikhang sangkatauhan. Ang mga iyon ang mga parolang gumagabay at nagbibigay liwanag sa mga tao para maunawaan ang lahat ng positibo, ang garantiya na tumitiyak na isasabuhay at tataglayin ng mga tao ang lahat ng matuwid at mabuti, ang pamantayan kung saan lahat ng tao, kaganapan, at bagay ay sinusukat, at pananda rin sa paglalakbay na nag-aakay sa mga tao tungo sa kaligtasan at sa landas ng liwanag. Sa praktikal na pagdanas lamang sa mga salita ng Diyos maaaring tustusan ng katotohanan at buhay ang tao; dito lamang maaaring maunawaan ng tao kung ano ang normal na pagkatao, ano ang isang makabuluhang buhay, ano ang isang tunay na nilalang, ano ang tunay na pagsunod sa Diyos; dito lamang maaaring maunawaan ng tao kung paano niya dapat pagmalasakitan ang Diyos, paano tuparin ang tungkulin ng isang nilalang, at paano magtaglay ng wangis ng isang tunay na tao; dito lamang maaaring maunawaan ng tao kung ano ang ibig sabihin ng tunay na pananampalataya at tunay na pagsamba; dito lamang maaaring maunawaan ng tao kung sino ang Hari ng kalangitan at lupa at lahat ng bagay; dito lamang maaaring maunawaan ng tao ang kaparaanang gamit Niya na siyang Panginoon ng lahat ng nilikha sa paghahari, pamumuno, at paglalaan para sa mga nilikha; at dito lamang maaaring maunawaan at maintindihan ng tao ang kaparaanang gamit Niya na Panginoon ng lahat ng nilikha sa pag-iral, pagpapakita, at paggawa. Hiwalay sa tunay na karanasan sa mga salita ng Diyos, walang tunay na kaalaman o kabatiran ang tao sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan. Ang gayong tao ay talagang isang buhay na bangkay, isang lalagyang walang kalaman-laman, at lahat ng kaalamang may kaugnayan sa Lumikha ay walang anumang kinalaman sa kanya. Sa mga mata ng Diyos, ang gayong tao ay hindi naniwala sa Kanya kailanman, ni hindi sumunod sa Kanya kailanman, kaya nga hindi rin siya kinikilala ng Diyos bilang Kanyang mananampalataya o Kanyang tagasunod, lalong hindi bilang isang tunay na nilalang.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paunang Salita

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 5

Ang isang tunay na nilalang ay kailangang malaman kung sino ang Lumikha, para saan nilikha ang tao, paano isagawa ang mga responsibilidad ng isang nilalang, at paano sambahin ang Panginoon ng lahat ng nilikha, kailangang maunawaan, maintindihan, malaman, at pagmalasakitan ang mga layon, naisin, at hinihiling ng Lumikha, at kailangang kumilos alinsunod sa daan ng Lumikha—ang magkaroon ng takot sa Diyos at umiwas sa kasamaan.

Ano ang magkaroon ng takot sa Diyos? At paano maiiwasan ng isang tao ang kasamaan?

Ang “magkaroon ng takot sa Diyos” ay hindi nangangahulugan ng di-maipaliwanag na sindak at takot, ni hindi ng paglayo, ni hindi ng pagpapalayo, ni hindi rin ito pag-iidolo o pamahiin. Sa halip, ito ay paghanga, paggalang, pagtitiwala, pag-unawa, pagmamalasakit, pagsunod, pagtatalaga, pagmamahal, at walang-kundisyon at walang-reklamong pagsamba, pagbabayad-utang, at pagpapasakop. Kung walang tunay na kaalaman tungkol sa Diyos, hindi magkakaroon ng tunay na paghanga, tunay na pagtitiwala, tunay na pag-unawa, tunay na pagmamalasakit o pagsunod ang sangkatauhan, kundi ng takot lamang at pagkabalisa, pagdududa, di-pagkakaunawaan, paglayo, at pag-iwas; kung walang tunay na kaalaman tungkol sa Diyos, hindi tunay na makakapagtalaga at makakapagbayad-utang ang sangkatauhan; kung walang tunay na kaalaman tungkol sa Diyos, hindi magkakaroon ng tunay na pagsamba at pagpapasakop ang sangkatauhan, kundi ng bulag na pag-iidolo at pamahiin lamang; kung walang tunay na kaalaman tungkol sa Diyos, hindi posibleng makakilos ang sangkatauhan alinsunod sa daan ng Diyos, o magkakaroon ng takot sa Diyos, o iiwas sa kasamaan. Bagkus, bawat aktibidad at pag-uugali ng tao ay mapupuno ng paghihimagsik at pagsuway, ng mapanirang mga pahiwatig at mapanirang-puring mga paghusga tungkol sa Kanya, at ng masamang asal na taliwas sa katotohanan at sa tunay na kahulugan ng mga salita ng Diyos.

Kapag nagkaroon na ng tunay na pagtitiwala sa Diyos ang sangkatauhan, magiging tunay na ang kanilang pagsunod sa Kanya at pag-asa sa Kanya; sa tunay na pagtitiwala at pag-asa sa Diyos lamang maaaring magkaroon ng tunay na pagkaunawa at pagkaintindi ang sangkatauhan; kasama ng tunay na pagkaintindi sa Diyos ang tunay na pagmamalasakit sa Kanya; sa tunay na pagmamalasakit lamang sa Diyos maaaring tunay na sumunod ang sangkatauhan; sa tunay na pagsunod lamang sa Diyos magkakaroon ng tunay na pagtatalaga ang sangkatauhan; sa tunay na pagtatalaga lamang sa Diyos maaaring magbayad-utang ang sangkatauhan nang walang kundisyon at walang reklamo; sa tunay na pagtitiwala at pag-asa, tunay na pag-unawa at pagmamalasakit, tunay na pagsunod, tunay na pagtatalaga at pagbabayad-utang lamang tunay na malalaman ng sangkatauhan ang disposisyon at diwa ng Diyos, at malalaman ang identidad ng Lumikha; kapag tunay na nilang nakilala ang Lumikha, saka lamang magigising sa kalooban ng sangkatauhan ang tunay na pagsamba at pagpapasakop; kapag may tunay na silang pagsamba at pagpapasakop sa Lumikha, saka lamang magagawang isantabi ng sangkatauhan ang kanilang masasamang gawi, ibig sabihin, maiwasan ang kasamaan.

Ito ang buong proseso ng “pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan,” at ito rin ang buong nilalaman ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan. Ito ang daan na kailangang bagtasin upang magkaroon ng takot sa Diyos at makaiwas sa kasamaan.

Ang “pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan” at pagkilala sa Diyos ay matibay na pinagkonekta ng napakaraming sinulid, at ang koneksyon sa pagitan ng mga ito ay malinaw. Kung nais ng sinuman na makaiwas sa kasamaan, kailangan muna siyang magkaroon ng tunay na takot sa Diyos; kung nais ng sinuman na magkaroon ng tunay na takot sa Diyos, kailangan muna siyang magtamo ng tunay na kaalaman tungkol sa Diyos; kung nais ng sinuman na magtamo ng kaalaman tungkol sa Diyos, kailangan muna niyang maranasan ang mga salita ng Diyos, pumasok sa realidad ng mga salita ng Diyos, maranasan ang pagtutuwid at pagdidisiplina ng Diyos, ang Kanyang pagkastigo at paghatol; kung nais ng sinuman na maranasan ang mga salita ng Diyos, kailangan muna niyang makaharap ang mga salita ng Diyos, makaharap ang Diyos, at humiling sa Diyos na magbigay ng mga pagkakataong maranasan ang mga salita ng Diyos sa anyo ng lahat ng uri ng sitwasyong sangkot ang mga tao, kaganapan, at bagay; kung nais ng sinuman na makaharap ang Diyos at ang mga salita ng Diyos, kailangan muna siyang magtaglay ng simple at matapat na puso, kahandaang tanggapin ang katotohanan, kagustuhang tiisin ang pagdurusa, matibay na determinasyon at tapang na iwasan ang kasamaan, at ang hangaring maging isang tunay na nilalang…. Sa ganitong paraan, sa unti-unting pagsulong, lalo kang mapapalapit sa Diyos, lalong magiging dalisay ang puso mo, at lalo pang magiging makabuluhan at mas maningning ang iyong buhay at ang kahalagahan ng pagiging buhay, sa iyong pagkakilala sa Diyos. Hanggang, isang araw, madarama mo na hindi na isang palaisipan ang Lumikha, na hindi kailanman nakatago ang Lumikha mula sa iyo, na hindi kailanman nagkubli ng Kanyang mukha ang Lumikha mula sa iyo, na hindi pala malayo ang Lumikha sa iyo, na hindi na ang Lumikha ang lagi mong pinananabikan sa iyong mga iniisip kundi hindi mo Siya maabot sa iyong damdamin, na talaga at totoong nakabantay Siya sa iyong kaliwa at kanan, tinutustusan ang iyong buhay, at kinokontrol ang iyong tadhana. Hindi Siya natatanaw sa malayo, ni hindi Niya itinago ang Sarili Niya sa mga ulap sa itaas. Siya ay nasa tabi mo mismo, nangangasiwa sa iyong kabuuan, Siya ang lahat ng mayroon ka, at Siya ang tanging mayroon ka. Ang gayong Diyos ay tinutulutan kang mahalin Siya nang taos-puso, kapitan Siya, hawakan Siya nang mahigpit, hangaan Siya, matakot na mawala Siya, at aayawan mong talikuran pa Siya, suwayin pa Siya, o layuan o palayuin pa Siya. Ang tanging gusto mo ay pagmalasakitan Siya, sundin Siya, bayaran ang lahat ng ibinibigay Niya sa iyo, at magpasakop sa Kanyang kapangyarihan. Hindi ka na tumatangging magabayan, matustusan, mabantayan, at maingatan Niya, hindi ka na tumatanggi sa Kanyang idinidikta at itinatakda para sa iyo. Ang tanging nais mo ay sundan Siya, ang makasama Niya; ang tanging nais mo ay tanggapin Siya bilang iyong kaisa-isang buhay, tanggapin Siya bilang iyong kaisa-isang Panginoon, iyong kaisa-isang Diyos.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paunang Salita

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 6

Hindi Mapapalitan ng mga Paniniwala ng mga Tao ang Katotohanan

Nagagawa ng ilang tao na magtiis ng mga paghihirap, magsakripisyo, magpakita ng mabuting asal, maging medyo kagalang-galang, at magalak sa paghanga ng iba. Masasabi ba ninyo na maituturing na pagsasagawa ng katotohanan ang ganitong klase ng ipinapakitang pag-uugali? Matutukoy kaya ng isang tao na napapalugod ng gayong mga tao ang kalooban ng Diyos? Bakit paulit-ulit na nakakakita ang mga tao ng gayong mga indibiduwal at iniisip nila na napapalugod nila ang Diyos, na tumatahak sila sa landas ng pagsasagawa ng katotohanan, at sinusundan ang daan ng Diyos? Bakit ganito ang iniisip ng ilang tao? Isa lamang ang paliwanag para dito. Ano ang paliwanag na iyon? Na para sa napakaraming tao, ang ilang katanungan—tulad ng ano ang ibig sabihin ng isagawa ang katotohanan, ano ang ibig sabihin ng palugurin ang Diyos, at ano ang ibig sabihin ng tunay na taglayin ang realidad ng katotohanan—ay hindi gaanong malinaw. Sa gayon, may ilang tao na madalas malinlang ng mga tao na sa tingin ay mukhang espirituwal, marangal, matayog, at dakila. Tungkol naman sa mga taong mahusay magsalita tungkol sa mga titik at doktrina, at ang pananalita at mga kilos ay tila karapat-dapat sa paghanga, yaong mga nalilinlang ng mga ito ay hindi natingnan kailanman ang diwa ng kanilang mga kilos, ang mga prinsipyo sa likod ng kanilang mga gawa, o kung ano ang kanilang mga mithiin. Bukod pa riyan, hindi nila natingnan kailanman kung tunay na nagpapasakop sa Diyos ang mga taong ito, ni hindi nila natukoy kailanman kung tunay na may takot sa Diyos ang mga taong ito o wala at umiiwas sila sa kasamaan o hindi. Hindi nila nahiwatigan kailanman ang diwa ng pagkatao ng mga taong ito. Sa halip, simula sa unang hakbang ng pagkilala sa kanila, unti-unti na nilang hinangaan at iginalang ang mga taong ito, at sa huli, naging mga idolo nila ang mga taong ito. Bukod pa riyan, sa isipan ng ilang tao, ang mga idolong sinasamba nila—at pinaniniwalaan nila na kayang iwan ang kanilang pamilya at trabaho, at tila paimbabaw na nagagawang magsakripisyo—ang mga tunay na nagpapalugod sa Diyos at talagang magtatamo ng magagandang kahihinatnan at hantungan. Sa kanilang isipan, ang mga idolong ito ang mga taong pinupuri ng Diyos. Ano ang nagiging dahilan para maniwala sila sa gayong bagay? Ano ang diwa ng isyung ito? Ano ang mga bungang kahahantungan nito? Talakayin muna natin ang diwa nito.

Ang mahalaga, ang mga isyung ito tungkol sa mga pananaw ng mga tao, ang kanilang mga pamamaraan ng pagsasagawa, aling mga prinsipyo ng pagsasagawa ang pinipili nilang gamitin, at ano ang gusto nilang pagtuunan ay walang kinalaman sa mga hinihingi ng Diyos sa sangkatauhan. Nakatutok man ang mga tao sa mabababaw na usapin o malalalim na isyu, o sa mga titik at doktrina o realidad, hindi sila sumusunod doon sa pinaka-nararapat nilang sundin, ni hindi nila alam yaong bagay na pinaka-nararapat nilang malaman. Ito ay dahil sa ni ayaw man lamang ng mga tao sa katotohanan; sa gayon, ayaw nilang gumugol ng panahon at pagsisikap sa paghahanap at pagsasagawa ng mga prinsipyo ng pagsasagawa na matatagpuan sa mga pagbigkas ng Diyos. Sa halip, mas gusto nilang gumamit ng mas madaling paraan, na ibinubuod ang nauunawaan at nalalaman nilang mahusay na pagsasagawa at mabuting pag-uugali; ang buod na ito kung gayon ang nagiging sarili nilang mithiing pagsisikapang matupad, na itinuturing nilang katotohanang isasagawa. Ang tuwirang resulta nito ay na gumagamit ang mga tao ng mabuting pag-uugali bilang kapalit ng pagsasagawa ng katotohanan, na tumutupad din sa hangarin nilang makahingi ng pabor sa Diyos. Binibigyan sila nito ng puhunang magagamit para labanan ang katotohanan, na ginagamit din nila para mangatwiran at makipaglaban sa Diyos. Kasabay nito, walang-takot na isinasantabi rin ng mga tao ang Diyos, at ipinapalit sa lugar Niya ang mga idolong hinahangaan nila. Iisa lamang ang ugat na dahilan kaya nagiging gayon kamangmang ang mga kilos at pananaw ng mga tao, o isang panig lamang ang mga opinyon at gawi nila—at ngayon ay sasabihin Ko sa inyo ang tungkol dito: Ang dahilan nito ay na, bagama’t maaaring sinusunod ng mga tao ang Diyos, nagdarasal sila sa Kanya araw-araw, at binabasa nila ang Kanyang mga pagbigkas araw-araw, hindi nila talaga nauunawaan ang kalooban ng Diyos. Narito ang ugat ng problema. Kung may nakaunawa sa puso ng Diyos, at nakaalam kung ano ang gusto Niya, ano ang kinasusuklaman Niya, ano ang nais Niya, ano ang inaayawan Niya, anong klaseng tao ang minamahal Niya, anong klaseng tao ang inaayawan Niya, anong klaseng pamantayan ang ginagamit Niya kapag may hinihingi Siya sa mga tao, at anong klaseng pamamaraan ang ginagamit Niya para gawin silang perpekto, maaari pa rin kayang magkaroon ang taong iyon ng sarili nilang mga opinyon? Maaari kayang basta humayo ang mga tao at sambahin nila ang ibang tao? Maaari kayang maging idolo nila ang isang ordinaryong tao? Ang mga taong nakauunawa sa kalooban ng Diyos ay magtataglay ng medyo mas makatwirang pananaw kaysa riyan. Hindi nila basta iidolohin ang isang taong natiwali, ni hindi sila maniniwala, habang tumatahak sa landas ng pagsasagawa ng katotohanan, na ang pikit-matang pagsunod sa isang simpleng panuntunan o mga prinsipyo ay katumbas ng pagsasagawa ng katotohanan.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paano Malalaman ang Disposisyon ng Diyos at ang mga Resultang Makakamtan ng Kanyang Gawain

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 7

Maraming Opinyon Tungkol sa Pamantayan ng Diyos sa Pagpapasya sa Kahihinatnan ng mga Tao

Dahil nag-aalala ang bawat tao sa sarili nilang kahihinatnan, alam ba ninyo kung paano pinagpapasyahan ng Diyos ang kahihinatnang iyan? Sa anong kaparaanan tinutukoy ng Diyos ang kahihinatnan ng isang tao? Bukod pa riyan, anong uri ng pamantayan ang ginagamit Niya upang mapagpasyahan ito? Kapag kailangan pang pagpasyahan ang kahihinatnan ng tao, ano ang ginagawa ng Diyos para ihayag iyon? Mayroon bang nakakaalam? Tulad ng sinabi Ko kanina, may ilan na napakatagal nang nagsasaliksik sa mga salita ng Diyos sa pagsisikap na makahanap ng mga tanda tungkol sa mga kahihinatnan ng mga tao, tungkol sa mga kategorya kung saan hinati-hati ang mga kahihinatnang ito, at tungkol sa sari-saring mga kahihinatnan na naghihintay sa iba’t ibang klase ng mga tao. Umaasa rin silang malaman kung paano ipinapataw ng salita ng Diyos ang mga kahihinatnan ng mga tao, anong uri ng pamantayan ang ginagamit Niya, at kung paano Niya talaga ipinapasya ang kahihinatnan ng isang tao. Gayunman, sa huli, hindi nahanap ng mga taong ito ang anumang mga sagot kailanman. Sa totoo lang, napaka-kaunti ng nasabi tungkol sa mga pagbigkas ng Diyos. Bakit nagkagayon? Hangga’t hindi pa inihahayag ang mga kahihinatnan ng mga tao, ayaw sabihin ng Diyos kaninuman ang mangyayari sa huli, ni ayaw Niyang ipaalam nang maaga kaninuman ang kanilang hantungan—dahil ang paggawa niyon ay walang anumang pakinabang sa sangkatauhan. Ngayon mismo, nais Ko lamang sabihin sa inyo ang tungkol sa paraan kung paano ipinapasya ng Diyos ang mga kahihinatnan ng mga tao, tungkol sa mga prinsipyong ginagamit Niya sa Kanyang gawain sa pagpapasya at pagpapamalas ng mga kahihinatnang ito, at tungkol sa pamantayang ginagamit Niya sa pagpapasya kung makakaligtas ba ang isang tao o hindi. Hindi ba ito ang mga tanong na labis ninyong ipinag-aalala? Kung gayon, paano naniniwala ang tao na ang Diyos ang nagpapasya sa mga kahihinatnan ng mga tao? Binanggit ninyo ang ilang bahagi nito ngayon lamang: Sinabi ng ilan sa inyo na may kinalaman ito sa tapat na pagganap ng isang tao sa tungkulin at paggugol para sa Diyos; sinabi ng ilan na tungkol ito sa pagpapasakop at pagpapalugod sa Diyos; sinabi ng ilan na ang isang dahilan ay ang magpasakop sa mga pagsasaayos ng Diyos; at sinabi ng ilan na ang mahalaga ay magpakumbaba…. Kapag isinagawa ninyo ang mga katotohanang ito, at kapag nagsasagawa kayo alinsunod sa mga prinsipyo na pinaniniwalaan ninyong tama, alam ba ninyo kung ano ang iniisip ng Diyos? Napag-isip-isip na ba ninyo kung ang patuloy na pamumuhay nang ganito ay nagpapalugod sa Kanyang kalooban? Tumutugon ba ito sa Kanyang pamantayan? Nagsisilbi ba ito sa Kanyang mga hinihingi? Naniniwala Ako na hindi talaga pinag-iisipan nang husto ng karamihan sa mga tao ang mga tanong na ito. Ginagamit lamang nila nang wala sa loob ang isang bahagi ng salita ng Diyos, o isang bahagi ng mga sermon, o mga pamantayan ng ilang espirituwal na taong iniidolo nila, na pinipilit ang kanilang sarili na gawin ang kung anu-ano. Naniniwala sila na ito ang tamang paraan, kaya palagi nilang sinusunod ito at ginagawa ito, anuman ang mangyari sa bandang huli. Iniisip ng ilang tao, “Napakaraming taon ko nang nanampalataya; ganito na ako magsagawa noon pa man. Pakiramdam ko talagang napalugod ko ang Diyos, at pakiramdam ko marami rin akong napala mula rito. Ito ay dahil naunawaan ko na ang maraming katotohanan sa panahong ito, gayundin ang maraming bagay na hindi ko naunawaan dati. Lalo na, marami nang nagbago sa aking mga ideya at pananaw, malaki na ang ipinagbago ng mga pinahahalagahan ko sa buong buhay ko, at medyo may maganda na akong pagkaunawa sa mundong ito.” Naniniwala ang gayong mga tao na ito ay isang pag-aani, at na ito ang huling resulta ng gawain ng Diyos para sa sangkatauhan. Sa inyong opinyon, sa mga pamantayang ito at sa lahat ng pagsasagawa ninyo kapag pinagsama-sama, pinalulugod ba ninyo ang kalooban ng Diyos? Sasabihin ng ilan sa inyo nang may lubos na katiyakan, “Siyempre! Nagsasagawa kami ayon sa salita ng Diyos; nagsasagawa kami ayon sa ipinangaral at ibinahagi ng nasa Itaas. Lagi naming ginagawa ang aming mga tungkulin at palagi naming sinusunod ang Diyos, at hindi namin Siya iniwan kailanman. Samakatuwid ay masasabi natin nang may ganap na tiwala na napapalugod namin ang Diyos. Gaano man namin nauunawaan ang Kanyang mga layunin, at gaano man namin nauunawaan ang Kanyang salita, lagi kaming nasa landas ng paghahangad na maging kaayon ng Diyos. Basta’t kumikilos kami nang tama, at nagsasagawa nang tama, malamang na makamtan namin ang tamang resulta.” Ano ang palagay ninyo sa pananaw na ito? Tama ba ito? Maaaring mayroon ding ilang nagsasabi, “Hindi ko naisip kailanman ang tungkol sa mga bagay na ito dati. Iniisip ko lamang na basta’t patuloy akong tumutupad sa aking tungkulin at kumikilos ayon sa mga hinihingi ng mga pagbigkas ng Diyos, maaari akong maligtas. Hindi ko naisaalang-alang kailanman ang tanong kung mapapalugod ko ang puso ng Diyos, ni hindi ko naisip kailanman kung natutugunan ko ang pamantayang Kanyang naitakda. Yamang walang nasabi o naibigay na anumang malilinaw na tagubilin sa akin ang Diyos, naniniwala ako na basta’t patuloy akong gumagawa at hindi ako tumitigil, malulugod ang Diyos at hindi Siya dapat gumawa ng anumang karagdagang mga hinihingi sa akin.” Tama ba ang mga paniniwalang ito? Para sa Akin, ang paraang ito ng pagsasagawa, ang paraang ito ng pag-iisip, at ang mga pananaw na ito ay pawang may kasamang mga kathang-isip, gayundin ng kaunting pagkabulag. Marahil ay medyo nasisiraan ng loob ang ilan sa inyo dahil sa sinasabi Kong ito, at iniisip ninyo, “Pagkabulag? Kung ito ay pagkabulag, napakaliit at walang katiyakan ang pag-asa naming maligtas at manatiling buhay, hindi ba? Sa ganitong paraan, hindi Mo ba kami binubuhusan ng malamig na tubig?” Anuman ang inyong pinaniniwalaan, ang mga bagay na Aking sinasabi at ginagawa ay hindi para iparamdam sa inyo na parang binuhusan kayo ng malamig na tubig. Sa halip, ito ay para mapahusay ang inyong pagkaunawa sa mga layunin ng Diyos at mapag-ibayo ang pagkaintindi ninyo sa Kanyang iniisip, sa Kanyang nais na isakatuparan, anong klaseng mga tao ang Kanyang gusto, ano ang Kanyang kinasusuklaman, ano ang Kanyang kinamumuhian, anong uri ng tao ang nais Niyang matamo, at anong uri ng tao ang Kanyang tinatanggihan. Ang mga ito ay para bigyan ng linaw ang inyong isipan at bigyan kayo ng malinaw na pang-unawa kung gaano na napalayo ang mga kilos at kaisipan ng bawat isa sa inyo mula sa pamantayang hinihingi ng Diyos. Kailangan bang talakayin ang mga paksang ito? Dahil alam Kong matagal na kayong nananampalataya, at nakinig sa napakaraming pangangaral, ngunit ito mismo ang mga bagay na kulang na kulang sa inyo. Bagama’t naitala ninyo ang bawat katotohanan sa inyong mga kuwaderno, at naisaulo at naiukit sa inyong mga puso ang ilan sa mga bagay na personal na pinaniniwalaan ninyong mahalaga, at bagama’t plano ninyong gamitin ang mga bagay na ito para palugurin ang Diyos sa inyong pagsasagawa, na gamitin ang mga ito kapag nangangailangan kayo, na gamitin ang mga ito upang malagpasan ang mahihirap na panahon na naghihintay sa inyo, o basta hayaan ang mga bagay na ito na samahan kayo habang nabubuhay kayo, para sa Akin, paano man ninyo ito ginagawa, kung ginagawa lamang ninyo ito, hindi ito gaanong mahalaga. Ano, kung gayon, ang napakahalaga? Iyon ay na habang ikaw ay nagsasagawa, kailangan mong malaman sa iyong kaibuturan, nang may lubos na katiyakan, kung lahat ng iyong ginagawa—bawat gawa—ay nakaayon sa nais ng Diyos o hindi, at kung ang lahat ng kilos ninyo, lahat ng iniisip ninyo, at ang mga resulta at layuning nais ninyong matupad ay talagang nagpapalugod sa kalooban ng Diyos at nagsisilbi sa Kanyang mga hinihingi, gayundin kung Kanyang sinasang-ayunan ang mga ito o hindi. Ito ang napakahalaga.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paano Malalaman ang Disposisyon ng Diyos at ang mga Resultang Makakamtan ng Kanyang Gawain

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 8

Lumakad sa Daan ng Diyos: Matakot sa Diyos at Umiwas sa Kasamaan

May isang kasabihan na dapat ninyong itala. Naniniwala Ako na napakahalaga ng kasabihang ito, dahil para sa Akin, naiisip ito nang napakaraming beses bawat araw. Bakit ganoon? Dahil tuwing nakakaharap Ko ang isang tao, tuwing naririnig Ko ang kuwento ng isang tao, at tuwing naririnig Ko ang karanasan o patotoo ng isang tao tungkol sa paniniwala sa Diyos, lagi Kong ginagamit ang kasabihang ito para matukoy sa Aking puso kung ang indibiduwal na ito ang uri ng taong nais ng Diyos at ang uri ng taong gusto ng Diyos. Kaya, sa gayon: ano ang kasabihang ito? Ngayon ay napasabik Ko kayong lahat nang husto. Kapag inihayag Ko ang kasabihan, marahil ay madidismaya kayo, dahil ang ilan ay sinasabi lamang ito nang hindi taos-puso sa loob ng maraming taon ngunit hindi ito ginagawa. Gayunman, ni minsan ay hindi Ko man lamang ito sinabi nang hindi taos-puso. Nananahan sa puso Ko ang kasabihang ito. Kaya, ano ang kasabihang ito? Ito iyon: “Lumakad sa daan ng Diyos: Matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan.” Hindi ba napakasimpleng parirala nito? Magkagayunman, sa kabila ng kasimplihan nito, madarama ng mga taong tunay na may malalim na pagkaunawa sa mga salitang ito na may malaking kahalagahan ang mga ito, na napakahalaga ng kasabihang ito para sa pagsasagawa ng isang tao, na naaayon ito sa wika ng buhay na naglalaman ng realidad ng katotohanan, na ito ay panghabambuhay na layunin para sa mga nagsisikap na palugurin ang Diyos, at na ito ay panghabambuhay na daan na dapat sundan ng sinumang may konsiderasyon sa mga layunin ng Diyos. Kaya, ano sa palagay ninyo: Hindi ba katotohanan ang kasabihang ito? Makabuluhan ba ito o hindi? Gayundin, marahil ay pinag-iisipan ng ilan sa inyo ang kasabihang ito, at sinusubukang unawain ito, at marahil ay nagdududa pa ang ilan sa inyo tungkol dito: Napakahalaga ba ng kasabihang ito? Kailangan bang bigyang-diin ito nang husto? Maaaring mayroon ding ilan sa inyo na hindi gaanong gusto ang kasabihang ito, dahil iniisip ninyo na ang pagtahak sa daan ng Diyos at pagpapaikli nito sa isang kasabihang ito ay labis na pagpapasimple. Ang pagkuha sa lahat ng sinabi ng Diyos at pagpapaikli nito sa isang kasabihan—hindi ba nito pinaliliit nang husto ang kahalagahan ng Diyos? Ganoon ba iyon? Maaaring hindi lubos na nauunawaan ng karamihan sa inyo ang malalim na kahulugan ng mga salitang ito. Bagama’t itinala na ninyong lahat ito, wala kayong balak na ilagak ang kasabihang ito sa inyong puso; naitala lamang ninyo ito sa inyong mga kuwaderno upang muling basahin at pagnilayan sa bakanteng oras ninyo. Ni hindi mag-aabala ang ilan sa inyo na isaulo ang kasabihang ito, lalo nang hindi ninyo susubuking gamitin ito sa mabuting paraan. Kung gayon, bakit nais Kong banggitin ang kasabihang ito? Anuman ang inyong pananaw at anuman ang isipin ninyo, kinailangan Kong banggitin ang kasabihang ito, sapagkat may malaking kaugnayan ito sa kung paano ipinapasya ng Diyos ang mga kahihinatnan ng mga tao. Anuman ang inyong kasalukuyang pagkaunawa sa kasabihang ito o paano man ninyo ito tinatrato, sasabihin Ko pa rin ito sa inyo: Kung maisasagawa ng mga tao ang mga salita ng kasabihang ito at mararanasan ang mga ito, at makakamit ang pamantayan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan, mapapanatag sila na sila ay maliligtas at tiyak na maganda ang kanilang kahihinatnan. Gayunman, kung hindi mo matugunan ang pamantayang inilatag ng kasabihang ito, masasabi na walang nakakaalam sa kahihinatnan mo. Sa gayon, nagsasalita Ako sa inyo tungkol sa kasabihang ito para maging handa ang inyong isipan, at para malaman ninyo kung anong klaseng pamantayan ang ginagamit ng Diyos para sukatin kayo.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paano Malalaman ang Disposisyon ng Diyos at ang mga Resultang Makakamtan ng Kanyang Gawain

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 9

Gumagamit ang Diyos ng Iba-ibang Pagsubok Upang Suriin Kung ang mga Tao ay May Takot sa Diyos at Umiiwas sa Kasamaan

Sa bawat kapanahunan ng gawain ng Diyos, nagkakaloob Siya ng ilang salita sa mga tao at nagsasabi sa kanila ng ilang katotohanan. Ang mga katotohanang ito ay nagsisilbing daan na dapat sundan ng mga tao, ang daan na dapat nilang lakaran, ang daan na nagbibigay-kakayahan sa kanila na magkaroon ng takot sa Diyos at makaiwas sa kasamaan, at ang daan na dapat isagawa at sundan ng mga tao sa kanilang buhay at sa buong paglalakbay nila sa buhay. Ito ang mga dahilan kaya ipinapahayag ng Diyos ang mga pagbigkas na ito sa sangkatauhan. Ang mga salitang ito na nagmumula sa Diyos ay dapat sundin ng mga tao, at ang pagsunod sa mga ito ay pagtanggap ng buhay. Kung hindi susundin ng isang tao ang mga ito, hindi isasagawa ang mga ito, at hindi isasabuhay ang mga salita ng Diyos, hindi isinasagawa ng taong ito ang katotohanan. Bukod pa riyan, kung hindi isinasagawa ng mga tao ang katotohanan, hindi sila natatakot sa Diyos at hindi nila iniiwasan ang kasamaan, ni hindi rin nila mapapalugod ang Diyos. Ang mga taong hindi kayang palugurin ang Diyos ay hindi matatanggap ang Kanyang papuri, at walang kahihinatnan ang gayong mga tao. Kaya, kung gayon, sa takbo ng Kanyang gawain, paano ipinapasya ng Diyos ang kahihinatnan ng isang tao? Anong mga pamamaraan ang ginagamit ng Diyos upang ipasya ang kahihinatnan ng isang tao? Marahil ay hindi pa rin masyadong malinaw ito sa inyo sa ngayon, ngunit kapag sinabi Ko sa inyo ang proseso, medyo magiging malinaw ito, dahil marami sa inyo mismo ang nakaranas na nito.

Sa kabuuan ng gawain ng Diyos, mula pa sa simula, nagtakda na ng mga pagsubok ang Diyos para sa bawat tao—o maaari ninyong sabihing, bawat taong sumusunod sa Kanya—at iba-iba ang bigat ng mga pagsubok na ito. May mga taong nakaranas ng pagsubok na maitakwil ng kanilang pamilya, may mga nakaranas ng pagsubok na masasamang kapaligiran, may mga nakaranas ng pagsubok na maaresto at mapahirapan, may mga nakaranas ng pagsubok na maharap sa mga pagpipilian, at may mga naharap sa mga pagsubok na pera at katayuan. Sa pangkalahatan, bawat isa sa inyo ay naharap na sa lahat ng uri ng mga pagsubok. Bakit ganito kung gumawa ang Diyos? Bakit Niya tinatrato ang lahat sa ganitong paraan? Anong klaseng resulta ang hinahanap Niya? Narito ang puntong nais Kong iparating sa inyo: Nais makita ng Diyos kung ang taong ito ang uri na may takot sa Kanya at umiiwas sa kasamaan. Ang ibig sabihin nito ay na kapag binibigyan ka ng Diyos ng isang pagsubok, at inihaharap ka sa ilang sitwasyon, layon Niyang suriin kung isa kang taong may takot sa Kanya at umiiwas sa kasamaan o hindi. Kung nahaharap ang isang tao sa tungkuling ingatan ang isang handog, at humantong ang tungkuling ito sa paggalaw sa handog sa Diyos, sasabihin mo ba na ito ay isang bagay na naisaayos ng Diyos? Walang duda! Lahat ng bagay na kinakaharap mo ay isang bagay na naisaayos ng Diyos. Kapag nahaharap ka sa bagay na ito, lihim kang oobserbahan ng Diyos, minamatyagan kung anong mga pagpili ang ginagawa mo, paano ka nagsasagawa, at ano ang mga naiisip mo. Ang pinakamahalaga sa Diyos ay ang huling resulta, dahil ito ang resultang tutulong sa Kanya na masukat kung namuhay ka ayon sa Kanyang pamantayan o hindi sa partikular na pagsubok na ito. Gayunman, tuwing nahaharap ang mga tao sa isang problema, madalas ay hindi nila iniisip kung bakit sila nahaharap sa mga ito, anong pamantayan ang inaasahan ng Diyos na matugunan nila, ano ang nais Niyang makita sa kanila o ano ang nais Niyang matamo mula sa kanila. Kapag naharap sa problemang ito, iniisip lamang ng mga tao ito: “Ito ang bagay na kinakaharap ko; kailangan kong mag-ingat, hindi magpabaya! Anuman ang mangyari, ito ay handog sa Diyos, at hindi ko ito maaaring galawin.” Nasasaisip ang mga simpleng bagay na ito, naniniwala ang mga tao na natupad na nila ang kanilang mga responsibilidad. Malulugod ba ang Diyos sa resulta ng pagsubok na ito o hindi? Sumige kayo at pag-usapan ninyo ito. (Kung may takot sa Diyos ang mga tao sa kanilang puso, kapag naharap sila sa isang tungkulin na nagtutulot sa kanila na magalaw ang handog sa Diyos, isasaalang-alang nila kung gaano kadaling magkasala sa disposisyon ng Diyos, at sisiguraduhin nilang mag-ingat sa kanilang pagkilos.) Ang tugon mo ay nasa tamang landas, ngunit hindi iyon nagtatapos doon. Ang paglalakad sa daan ng Diyos ay hindi tungkol sa pagsunod sa mabababaw na panuntunan; sa halip, nangangahulugan ito na kapag nahaharap ka sa isang problema, ituring mo muna ito una sa lahat bilang isang sitwasyon na naisaayos ng Diyos, isang responsibilidad na naipagkaloob Niya sa iyo, o isang gawaing naipagkatiwala Niya sa iyo. Kapag nahaharap sa problemang ito, dapat mo ngang ituring ito bilang isang pagsubok ng Diyos sa iyo. Kapag nahaharap ka sa problemang ito, kailangan ay mayroon kang pamantayan sa puso mo, kailangan mong isipin na ang bagay na ito ay nagmula sa Diyos. Kailangan mong pag-isipan kung paano mo haharapin ito sa isang paraan na matutupad mo ang iyong responsibilidad habang nananatili kang tapat sa Diyos, gayundin kung paano ito gawin nang hindi Siya ginagalit o hindi ka nagkakasala sa Kanyang disposisyon. Kanina lamang ay pinag-usapan natin ang pag-iingat sa mga handog. Kasali rito ang mga handog, at binabanggit din dito ang iyong tungkulin at iyong responsibilidad. Nakatali ka sa responsibilidad na ito. Gayunman, kapag naharap ka sa problemang ito, mayroon bang anumang tukso? Mayroon. Saan nanggagaling ang tuksong ito? Galing ang tuksong ito kay Satanas, at nagmumula rin ito sa masasama at tiwaling mga disposisyon ng mga tao. Dahil may tukso, kasali sa isyung ito ang paninindigan sa patotoo na dapat panindigan ng mga tao, na responsibilidad at tungkulin mo rin. Sabi ng ilang tao, “Napakaliit na bagay nito; kailangan ba talagang palakihin ito?” Wala nang mas hihigit pang kailangan! Dahil para makalakad sa daan ng Diyos, hindi natin maaaring hayaan ang anumang nangyayari sa atin o sa paligid natin, kahit ang maliliit na bagay; iniisip man natin na dapat itong bigyang-pansin o hindi, basta’t may anumang bagay tayong nakakaharap, hindi natin ito dapat hayaan. Lahat ng bagay na nangyayari ay dapat ituring na mga pagsubok na bigay sa atin ng Diyos. Ano sa palagay mo ang ganitong paraan ng pagtingin sa mga bagay-bagay? Kung mayroon kang ganitong klaseng saloobin, nagpapatibay ito sa isang katunayan: Sa iyong kalooban, may takot ka sa Diyos at handa kang umiwas sa kasamaan. Kung may hangarin kang palugurin ang Diyos, hindi malayong matugunan ng isinasagawa mo ang pamantayan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan.

Madalas ay may mga taong naniniwala na ang mga bagay na hindi gaanong pinapansin ng mga tao at hindi karaniwang binabanggit ay maliliit na bagay lamang na walang kinalaman sa pagsasagawa ng katotohanan. Kapag naharap sa ganito lamang na isyu, hindi ito gaanong pinag-iisipan ng mga taong ito, at hinahayaan lamang nila ito. Gayunman, sa katunayan, ang bagay na ito ay isang aral na dapat mong pag-aralan—isang aral kung paano magkaroon ng takot sa Diyos at paano umiwas sa kasamaan. Bukod pa riyan, ang dapat mong higit na alalahanin ay ang pag-alam kung ano ang ginagawa ng Diyos kapag dumarating ang bagay na ito sa iyong harapan. Nasa tabi mo ang Diyos, inoobserbahan ang bawat salita at kilos mo, at minamatyagan ang lahat ng ginagawa mo at ang mga pagbabagong nagaganap sa iyong isipan—ito ay gawain ng Diyos. Nagtatanong ang ilang tao, “Kung totoo iyan, bakit hindi ko iyon naramdaman?” Hindi mo iyon naramdaman dahil hindi ka sumunod sa daan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan bilang pangunahin mong daan; kaya hindi mo maramdaman ang banayad na gawaing ginagawa ng Diyos sa mga tao, na nagpapamalas mismo ayon sa iba-ibang saloobin at kilos ng mga tao. Isa kang hangal! Ano ang malaking bagay? Ano ang maliit na bagay? Ang mga bagay na nauugnay sa paglakad sa daan ng Diyos ay hindi nahahati sa pagitan ng malalaki o maliliit na bagay, lahat ng ito ay malalaking bagay—matatanggap ba ninyo iyon? (Matatanggap namin iyon.) Pagdating sa pang-araw-araw na mga bagay, may ilan na itinuturing ng mga tao na napakalaki at makabuluhan, at ang iba pa na itinuturing nilang maliliit na bagay. Madalas ituring ng mga tao ang malalaking bagay na ito na napakahalaga, at itinuturing nila ang mga ito na nagmula sa Diyos. Gayunman, habang lumalabas ang malalaking bagay na ito, dahil sa kamusmusan ng isip ng tao at dahil sa kanilang mahinang kakayahan, madalas ay hindi natutupad ng mga tao ang kalooban ng Diyos, hindi sila makatanggap ng anumang mga paghahayag, at hindi sila makakuha ng anumang aktuwal na kaalaman na may halaga. Pagdating sa maliliit na bagay, hindi talaga napapansin ng mga tao ang mga ito at hinahayaan lamang na unti-unting mawala. Sa gayon, nawala sa mga tao ang maraming pagkakataong masuri sa harap ng Diyos at masubok Niya. Kung lagi mong kinaliligtaan ang mga tao, pangyayari, at bagay, at mga sitwasyong naisaayos ng Diyos para sa iyo, ano ang ibig sabihin niyan? Ang ibig sabihin niyan ay na bawat araw, at kahit bawat sandali, palagi mong tinatalikuran ang pagpeperpekto ng Diyos sa iyo, pati na ang Kanyang pamumuno. Tuwing nagsasaayos ang Diyos ng isang sitwasyon para sa iyo, lihim Siyang nakamasid, nakatingin sa iyong puso, inoobserbahan Niya ang iyong mga iniisip at pagwawari, minamasdan kung paano ka mag-isip, at hinihintay na makita kung paano ka kikilos. Kung isa kang pabayang tao—isang taong hindi kailanman naging seryoso tungkol sa daan ng Diyos, sa Kanyang mga salita, o sa katotohanan—hindi ka magiging maingat o hindi mo papansinin ang nais ng Diyos na tapusin o ang mga kinakailangang inasahan Niyang tugunan mo kapag nagsaayos Siya ng isang sitwasyon para sa iyo. Hindi mo rin malalaman kung paano nauugnay ang mga tao, mga pangyayari, at mga bagay na nakakatagpo mo sa katotohanan o sa kalooban ng Diyos. Pagkatapos mong harapin ang paulit-ulit na mga sitwasyon at pagsubok na tulad nito, nang walang nakikita ang Diyos na anumang resulta sa iyo, paano Siya magpapatuloy? Pagkatapos ng paulit-ulit na pagharap sa mga pagsubok, hindi mo dinakila ang Diyos sa puso mo, ni hindi mo nakita kung ano ang mga sitwasyong isinaayos ng Diyos para sa iyo: mga pagsubok at pagsusuri mula sa Diyos. Sa halip, sunud-sunod mo nang tinanggihan ang mga pagkakataong ibinigay ng Diyos sa iyo, at hinayaang makalampas ang mga ito nang paulit-ulit. Hindi ba sukdulang pagsuway ang ipinapakitang ito ng mga tao? (Oo.) Masasaktan ba ang Diyos dahil dito? (Oo.) Mali, hindi masasaktan ang Diyos! Minsan pa kayong nagulat na marinig Akong sabihin ang gayong bagay. Iniisip siguro ninyo: “Hindi ba sinabi kanina na palaging nasasaktan ang Diyos? Kung gayon ba ay hindi nasasaktan ang Diyos? Kung gayon, kailan nasasaktan ang Diyos?” Sa madaling salita, hindi masasaktan ang Diyos sa sitwasyong ito. Kaya, ano, kung gayon, ang saloobin ng Diyos sa uri ng pag-uugaling nakabalangkas sa itaas? Kapag tinatanggihan ng mga tao ang mga pagsubok at pagsusuring ipinadadala sa kanila ng Diyos, at kapag iniiwasan nila ang mga ito, iisa lamang ang saloobin ng Diyos sa gayong mga tao. Anong saloobin ito? Tinatanggihan ng Diyos ang ganitong klaseng tao, sa kaibuturan ng Kanyang puso. May dalawang antas ng kahulugan para sa salitang “tanggihan.” Paano Ko dapat ipaliwanag ito mula sa Aking pananaw? Sa Aking kaibuturan, ang salitang “tanggihan” ay nangangahulugan ding kasuklaman at kamuhian. Ano naman ang isa pang antas ng kahulugan nito? Iyan ang bahaging nagpapahiwatig ng pagsuko sa isang bagay. Alam ninyong lahat ang kahulugan ng “pagsuko,” hindi ba? Sa madaling sabi, ang “tanggihan” ay isang salitang kumakatawan sa huling reaksyon at saloobin ng Diyos sa mga taong kumikilos sa ganitong paraan; iyon ay sukdulang pagkamuhi sa kanila, at pagkayamot, at, sa gayon, nagreresulta ito sa desisyon na pabayaan sila. Ito ang panghuling desisyon ng Diyos sa isang taong hindi kailanman lumakad sa daan ng Diyos at hindi kailanman nagkaroon ng takot sa Diyos at umiwas sa kasamaan. Makikita ba ninyong lahat ngayon ang kahalagahan ng kasabihang binanggit Ko kanina?

Nauunawaan na ba ninyo ngayon ang pamamaraang ginagamit ng Diyos sa pagpapasya sa mga kahihinatnan ng mga tao? (Nagsasaayos Siya ng iba’t ibang sitwasyon araw-araw.) Nagsasaayos Siya ng iba’t ibang sitwasyon—ito ay isang bagay na nadarama at nahahawakan ng mga tao. Kaya, ano ang motibo ng Diyos sa paggawa nito? Ang Kanyang layunin ay bigyan ang bawat isang tao ng iba-ibang pamamaraan ng mga pagsubok sa iba’t ibang panahon at iba’t ibang lugar. Anong mga aspeto ng isang tao ang sinusuri sa panahon ng isang pagsubok? Tinutukoy ng isang pagsubok kung ikaw ay isang uri ng tao na may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan o hindi sa bawat isyung iyong kinakaharap, naririnig, nakikita, at personal mong nararanasan. Lahat ay haharap sa ganitong klaseng pagsubok, dahil makatarungan ang Diyos sa lahat ng tao. Sinasabi ng ilan sa inyo, “Nanampalataya na ako sa Diyos sa loob ng maraming taon, kaya bakit hindi pa ako naharap sa anumang mga pagsubok?” Pakiramdam mo ay hindi ka pa naharap sa anuman dahil kapag nagsaayos ang Diyos ng mga sitwasyon para sa iyo, hindi mo sineseryoso ang mga ito at ayaw mong lumakad sa daan ng Diyos. Sa gayon, talagang hindi mo man lamang nadarama ang mga pagsubok ng Diyos. Sinasabi ng ilang tao, “Naharap na ako sa ilang pagsubok, ngunit hindi ko alam kung paano magsagawa nang wasto. Kahit noong magsagawa ako, hindi ko pa rin alam kung nanindigan ba ako sa panahon ng mga pagsubok ng Diyos.” Ang mga tao sa ganitong uri ng kalagayan ay tiyak na hindi lamang kakaunti. Sa gayon, ano ang pamantayang ginagamit ng Diyos sa pagsukat sa mga tao? Katulad ng sinabi Ko kanina: Iyon ay kung may takot ka man sa Diyos o wala at umiiwas ka sa kasamaan o hindi sa lahat ng bagay na ginagawa, iniisip, at ipinapakita mo. Ganito magpasya kung isa kang taong may takot sa Diyos o wala at umiiwas ka sa kasamaan o hindi. Simple ba ang konseptong ito, o hindi? Madali itong sabihin, ngunit madali ba itong isagawa? (Hindi iyon gayon kadali.) Bakit hindi iyon gayon kadali? (Dahil hindi kilala ng mga tao ang Diyos, at hindi nila alam kung paano ginagawang perpekto ng Diyos ang mga tao, kaya kapag nahaharap sila sa mga bagay-bagay, hindi nila alam kung paano hanapin ang katotohanan para malutas ang kanilang mga problema. Kailangan silang magdaan sa iba-ibang pagsubok, pagpipino, pagkastigo, at paghatol bago nila taglayin ang realidad na magkaroon ng takot sa Diyos.) Maaari ninyong sabihin iyan nang ganyan, ngunit para sa inyo, tila napakadaling magkaroon ng takot sa Diyos at umiwas sa kasamaan ngayon. Bakit Ko sinasabi ito? Dahil nakinig kayo sa maraming sermon at marami kayong natanggap na pagdidilig mula sa realidad ng katotohanan; ito ang nagtulot sa inyo na teoretikal at matalinong unawain kung paano magkaroon ng takot sa Diyos at umiwas sa kasamaan. Tungkol sa kung paano talaga isagawa ang pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan, malaking tulong ang lahat ng kaalamang ito at ipinadama nito sa inyo na parang madaling makamtan ang gayong bagay. Kung gayon, bakit hindi ito talaga nakakamtan ng mga tao kailanman? Ito ay dahil ang kalikasan at diwa ng mga tao ay walang takot sa Diyos, at gusto nito ang kasamaan. Ito ang tunay na dahilan.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paano Malalaman ang Disposisyon ng Diyos at ang mga Resultang Makakamtan ng Kanyang Gawain

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 10

Ang Hindi Matakot sa Diyos at Umiwas sa Kasamaan ay Paglaban sa Diyos

Magsisimula Ako sa pagtatanong sa inyo kung saan nagmula ang kasabihang, “matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan.” (Ang Aklat ni Job.) Yamang nabanggit natin si Job, talakayin natin siya. Noong panahon ni Job, gumawa ba ang Diyos para iligtas at lupigin ang sangkatauhan? Hindi. Ganoon ba? Gayundin, pagdating kay Job, gaano karami ang kanyang kaalaman noon tungkol sa Diyos? (Kaunti lamang.) Mas marami ba ang alam ni Job sa Diyos kaysa sa inyo ngayon o mas kaunti? Bakit hindi kayo naglalakas-loob na sumagot? Napakadaling sagutin ng tanong na ito. Mas kaunti! Tiyak iyan! Kaharap ninyo ang Diyos sa mga panahong ito, at kaharap ninyo ang mga salita ng Diyos; mas marami kayong alam tungkol sa Diyos kaysa kay Job. Bakit Ko sinasabi ito? Bakit Ko sinasabi ang mga bagay na ito? Gusto Kong ipaliwanag ang isang katunayan sa inyo, ngunit bago Ko gawin iyan, nais Ko munang tanungin kayo: Kakaunti ang alam ni Job tungkol sa Diyos, subalit nagawa pa rin niyang magkaroon ng takot sa Kanya at iwasan ang kasamaan; bakit nabibigo ang mga tao na gawin ito sa mga panahong ito? (Malalim ang kanilang katiwalian.) Ang pagiging malalim ng kanilang katiwalian ang mababaw na pangyayari na nagsasanhi ng problema, ngunit hindi Ko titingnan iyon sa gayong paraan kailanman. Madalas ay kinukuha ninyo ang madalas gamiting mga doktrina at kataga, tulad ng “malalim na katiwalian,” “paghihimagsik laban sa Diyos,” “pagtataksil sa Diyos,” “pagsuway,” “pag-ayaw sa katotohanan,” at kung anu-ano pa, at ginagamit ninyo ang mga kilalang pariralang ito upang ipaliwanag ang diwa ng bawat isang isyu. Mali ang paraang ito ng pagsasagawa. Ang paggamit ng iisang sagot para ipaliwanag ang mga bagay tungkol sa iba’t ibang kalikasan ay tiyak na pupukaw sa lapastangang mga hinala tungkol sa katotohanan at sa Diyos; ayaw Kong marinig ang ganitong klaseng sagot. Pag-isipan ninyong mabuti ito! Walang isa man sa inyo ang nakapag-isip tungkol sa bagay na ito, ngunit nakikita Ko ito bawat araw, at bawat araw ay nadarama Ko ito. Sa gayon, habang kumikilos kayo, nakamasid Ako. Kapag may ginagawa kayo, hindi ninyo madama ang diwa nito, ngunit kapag nakamasid Ako, nakikita ko ang diwa nito, at nadarama Ko rin ang diwa nito. Kaya, ano ang diwang ito, kung gayon? Bakit walang takot sa Diyos ang mga tao sa panahong ito at hindi sila umiiwas sa kasamaan? Ang inyong mga sagot ay malayong maipaliwanag ang diwa ng problemang ito, ni hindi ito kayang lutasin ng mga ito. Ito ay dahil may isang pinagmulan ito na hindi ninyo alam. Ano ang pinagmulang ito? Alam Kong gusto ninyong marinig ang tungkol dito, kaya sasabihin Ko sa inyo ang pinagmulan ng problemang ito.

Mula nang magsimulang gumawa ang Diyos, paano Niya itinuring ang mga tao? Sinagip sila ng Diyos; nakita na Niya ang mga tao bilang mga miyembro ng Kanyang pamilya, bilang mga pakay ng Kanyang gawain, bilang mga taong nais Niyang lupigin at iligtas, at bilang mga taong nais Niyang gawing perpekto. Ito ang saloobin ng Diyos sa sangkatauhan sa simula ng Kanyang gawain. Ngunit ano ang saloobin ng sangkatauhan sa Diyos noon? Hindi pamilyar ang Diyos sa mga tao, at itinuring nila ang Diyos bilang isang estranghero. Masasabi na ang kanilang saloobin sa Diyos ay hindi umani ng mga tamang resulta, at wala silang malinaw na pagkaunawa kung paano nila dapat tratuhin ang Diyos. Sa gayon, itinuring nila Siya ayon sa gusto nila, at ginawa nila ang anumang gusto nila. May mga opinyon ba sila tungkol sa Diyos? Noong una, wala; ang tinatawag na mga opinyon ay binuo lamang ng ilang kuru-kuro at sapantaha tungkol sa Kanya. Tinanggap nila kung ano ang umayon sa kanilang mga kuru-kuro, at kapag may isang bagay na hindi umayon sa kanilang mga kuru-kuro, pakunwari nila itong sinunod, ngunit lubhang nagtalo ang kanilang kalooban at kinontra nila ito. Ganito ang relasyon sa pagitan ng Diyos at ng mga tao sa simula: Itinuring sila ng Diyos bilang mga miyembro ng pamilya, subalit itinuring Siya ng tao bilang isang estranghero. Gayunman, pagkaraan ng ilang panahon ng gawain ng Diyos, naunawaan ng mga tao kung ano ang sinisikap Niyang makamit, at nalaman nila na Siya ang tunay na Diyos; nalaman din nila kung ano ang maaari nilang matamo mula sa Diyos. Paano itinuring ng mga tao ang Diyos sa panahong ito? Ang tingin nila sa Kanya ay isang mahihingan ng tulong, at inasam nilang mapagkalooban ng Kanyang biyaya, mga pagpapala, at mga pangako. Sa panahong ito, paano itinuring ng Diyos ang mga tao? Itinuring Niya sila bilang mga layon ng Kanyang paglupig. Nais ng Diyos na gumamit ng mga salita upang hatulan sila, suriin sila, at isailalim sila sa mga pagsubok. Gayunman, para sa mga tao noon, ang Diyos ay isang bagay na maaari nilang gamitin upang makamtan ang sarili nilang mga layunin. Nakita ng mga tao na ang katotohanang inilabas ng Diyos ay maaari silang lupigin at iligtas, na nagkaroon sila ng isang pagkakataong matamo ang mga bagay na nais nila mula sa Kanya, at matamo rin ang mga hantungang nais nila. Dahil dito, nabuo ang katiting na katapatan sa kanilang puso, at naging handa silang sundan ang Diyos na ito. Lumipas ang ilang panahon, at dahil nagtamo sila ng kaunting mababaw at doktrinal na kaalaman tungkol sa Diyos, masasabi pa na nagsisimula nang maging “pamilyar” ang mga tao sa Diyos at sa mga salitang Kanyang sinabi, Kanyang pangangaral, sa mga katotohanang Kanyang inilabas, at Kanyang gawain. Sa gayon ay nagkamali sila sa pagkaintindi na kilala na nila ang Diyos, at na nagsimula na silang lumakad sa landas ng pagiging kaayon ng Diyos. Sa ngayon, nakarinig na ang mga tao ng napakaraming sermon tungkol sa katotohanan at nakaranas na ng malaking bahagi ng gawain ng Diyos. Magkagayunman, dahil sa panghihimasok at paghadlang sanhi ng iba’t ibang kadahilanan at mga sitwasyon, hindi maaaring magtagumpay ang karamihan sa mga tao sa pagsasagawa ng katotohanan, ni hindi nila mapapalugod ang Diyos. Lalong naging matamlay at lalong nawalan ng tiwala ang mga tao. Nag-iibayo ang pakiramdam nila na walang nakakaalam sa sarili nilang mga kahihinatnan. Hindi sila nangangahas na mag-isip ng anumang magara na mga ideya, at wala silang hangad na umunlad; nag-aatubili lamang silang sumusunod, sumusulong, sa paisa-isang hakbang. Patungkol sa kasalukuyang kalagayan ng mga tao, ano ang saloobin ng Diyos sa kanila? Nais lamang Niyang ipagkaloob ang mga katotohanang ito sa kanila at pagtibayin ang mga ito sa Kanyang daan, at pagkatapos ay magpaplano Siya ng iba-ibang sitwasyon upang subukan sila sa iba’t ibang paraan. Ang Kanyang layunin ay gamitin ang mga salitang ito, ang mga katotohanang ito, at ang Kanyang gawain, at magdulot ng isang kahihinatnan kung saan may kakayahan ang mga tao na magkaroon ng takot sa Kanya at umiwas sa kasamaan. Karamihan sa mga taong nakita Ko ay itinuturing lamang ang mga salita ng Diyos bilang mga doktrina, mga titik lamang na nakasulat sa papel, mga regulasyong susundin. Sa kanilang mga kilos at pananalita, o habang nahaharap sa mga pagsubok, hindi nila itinuturing ang daan ng Diyos bilang daan na dapat sundan. Lalong totoo ito kapag nahaharap ang mga tao sa malalaking pagsubok; wala pa Akong nakitang tao na nagsasagawa sa direksyon ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan. Sa gayon, ang saloobin ng Diyos sa mga tao ay puno ng matinding pagkamuhi at pag-ayaw! Sa kabila ng Kanyang paulit-ulit na pagbibigay sa kanila ng mga pagsubok, kahit daan-daang beses pa, wala pa rin silang anumang malinaw na saloobin upang maipamalas ang kanilang determinasyon: “Gusto kong magkaroon ng takot sa Diyos at iwasan ang kasamaan!” Dahil hindi taglay ng mga tao ang pasyang ito at hindi nila ito ipinapakita, ang kasalukuyang saloobin ng Diyos sa kanila ay hindi katulad noong araw, kung kailan ipinaabot Niya sa kanila ang Kanyang awa, pagpaparaya, pagtitimpi, at pagpapasensya. Sa halip, bigung-bigo Siya sa sangkatauhan. Sino ang nagsanhi ng kabiguang ito? Kanino nakasalalay ang saloobin ng Diyos sa mga tao? Nakasalalay ito sa bawat taong sumusunod sa Kanya. Sa maraming taon ng Kanyang gawain, maraming hinihingi ang Diyos sa mga tao at nagsaayos Siya ng maraming sitwasyon para sa kanila. Gayunman, paano man sila nagsagawa, at anuman ang saloobin nila sa Diyos, nabigo ang mga tao na magsagawa nang may malinaw na pagsunod sa layuning magkaroon ng takot sa Diyos at umiwas sa kasamaan. Sa gayon, ibubuod Ko ito sa isang parirala, at gagamitin Ko ang pariralang ito para ipaliwanag ang lahat ng kasasabi pa lamang natin kung bakit hindi makalakad ang mga tao sa daan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan. Ano ang pariralang ito? Ito iyon: Itinuturing ng Diyos ang mga tao bilang mga layon ng Kanyang pagliligtas at mga layon ng Kanyang gawain; itinuturing ng mga tao ang Diyos bilang kanilang kaaway at kanilang kakontra. Malinaw na ba sa iyo ngayon ang bagay na ito? Napakalinaw ng saloobin ng sangkatauhan, ng saloobin ng Diyos, at ng relasyon sa pagitan ng mga tao at ng Diyos. Gaano mang pangaral ang napakinggan ninyo, yaong mga bagay na pinaghugutan ninyo ng sarili ninyong mga konklusyon, tulad ng pagiging tapat sa Diyos, pagpapasakop sa Diyos, paghahanap ng daan para maging kaayon ng Diyos, pagkagustong gugulin ang buong buhay para sa Diyos, at pagnanais na mabuhay para sa Diyos—para sa Akin, ang mga bagay na iyon ay hindi mga halimbawa ng sadyang paglakad sa daan ng Diyos, ang magkaroon ng takot sa Diyos at umiwas sa kasamaan, kundi sa halip, mga daluyan lamang ang mga ito tungo sa inyong pagtatamo ng ilang layunin. Para matamo ang mga iyon, nag-aatubili kayong sumunod sa ilang regulasyon, at ang mga regulasyong ito mismo ang naglalayo sa mga tao mula sa daan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan, at minsan pang inilalagay niyan ang Diyos bilang kakontra ng sangkatauhan.

Medyo mabigat ang paksa ngayon, ngunit ano’t anuman, umaasa pa rin Ako na kapag dumaan kayo sa mga karanasang darating, at sa mga panahong darating, magawa ninyo ang kasasabi Ko pa lamang sa inyo. Huwag ninyong ituring ang Diyos na walang halaga—na para bang umiiral Siya kapag may silbi Siya sa inyo, ngunit hindi Siya umiiral kapag wala Siyang silbi sa inyo. Kapag nagkaroon ka ng gayong ideya nang wala kang kamalay-malay, napagalit mo na ang Diyos. Marahil ay may mga taong nagsasabing, “Hindi ko itinuturing ang Diyos na walang halaga. Lagi akong nagdarasal sa Kanya at lagi kong sinusubukang bigyang-kasiyahan Siya, at lahat ng ginagawa ko ay nasa loob ng saklaw, pamantayan, at mga prinsipyong kinakailangan ng Diyos. Talagang hindi ako nagsasagawa ayon sa sarili kong mga ideya.” Oo, tama ang paraang ito ng iyong pagsasagawa. Magkagayunman, ano ang iniisip mo kapag nahaharap ka sa isang problema? Paano ka nagsasagawa kapag nahaharap ka sa isang isyu? Nadarama ng ilang tao na umiiral ang Diyos kapag nagdarasal sila sa Kanya at nagsusumamo sa Kanya, ngunit tuwing nahaharap sila sa isang problema, bumubuo sila ng sarili nilang mga ideya at nais nilang sundin ang mga ito. Ang ibig sabihin niyan ay itinuturing nila ang Diyos na walang halaga, at dahil sa gayong sitwasyon, hindi umiiral ang Diyos sa kanilang isipan. Naniniwala ang mga tao na dapat umiral ang Diyos kapag kailangan nila Siya, ngunit hindi kapag hindi nila Siya kailangan. Iniisip ng mga tao na ang pagsasagawa batay sa sarili nilang mga ideya ay sapat na. Naniniwala sila na magagawa nila ang anumang gusto nila; hindi talaga sila naniniwala na kailangan nilang hanapin ang daan ng Diyos. Para sa mga taong kasalukuyang nasa ganitong uri ng sitwasyon at hindi sila makaalpas, hindi ba nila inilalagay ang sarili nila sa panganib? Sabi ng ilang tao, “Inilalagay ko man ang sarili ko sa panganib o hindi, sumampalataya na ako sa loob ng maraming taon, at naniniwala ako na hindi ako pababayaan ng Diyos, dahil hindi Niya ako matitiis.” Sabi ng iba, “Naniwala na ako sa Panginoon noon pa mang nasa sinapupunan ako ng aking ina. Apatnapu o limampung taon na ang nakalipas, kaya sa tagal ng panahon, lubha akong karapat-dapat na iligtas ng Diyos at lubha akong karapat-dapat na patuloy na mabuhay. Sa nakalipas na apat o limang dekada, tinalikuran ko na ang aking pamilya at aking trabaho at naisuko ko na ang lahat ng mayroon ako—tulad ng pera, katayuan, kasiyahan, at oras para sa aking pamilya. Hindi ako kumain ng maraming masasarap na pagkain, hindi ako nagpakasaya sa maraming libangan, hindi ko nabisita ang maraming interesanteng lugar, at naranasan ko pa ngang maghirap na hindi kayang tiisin ng mga ordinaryong tao. Kung hindi ako maililigtas ng Diyos sa kabila ng lahat ng ito, hindi makatarungan ang pagtrato sa akin, at hindi ako maniniwala sa ganitong uri ng Diyos.” Marami bang taong ganito ang pananaw? (Marami.) Kung gayon, ipauunawa Ko sa inyo ngayon ang isang katunayan: Lahat ng taong gayon ang pananaw ay binabaril ang kanilang sariling paa. Ito ay dahil tinatakpan nila ang kanilang mga mata sa sarili nilang mga imahinasyon. Ang mga imahinasyong ito mismo, pati na ang sarili nilang mga konklusyon, ang pumapalit sa pamantayang pinatutugunan ng Diyos sa mga tao at pumipigil sa kanila na tanggapin ang tunay na mga layunin ng Diyos. Dahil dito, hindi nila madama ang Kanyang tunay na pag-iral, at nawawalan din sila ng pagkakataong magawang perpekto ng Diyos, na tinatalikuran ang anumang bahagi o kabahagi nila sa pangako ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paano Malalaman ang Disposisyon ng Diyos at ang mga Resultang Makakamtan ng Kanyang Gawain

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 11

Paano Pinagpapasyahan ng Diyos ang Kahihinatnan ng mga Tao at ang mga Pamantayang Ginagamit Niya sa Paggawa Niyon

Bago ka mapanatag sa anumang mga pananaw o konklusyon, dapat mo munang maunawaan ang saloobin ng Diyos sa iyo, at ang Kanyang iniisip, at saka ka magpasya kung tama o hindi ang sarili mong iniisip. Hindi kailanman ginamit ng Diyos ang panahon bilang panukat sa pagpapasya sa kahihinatnan ng isang tao, ni hindi Niya kailanman ibinatay ang gayong pagpapasya sa kung gaano nagdusa ang isang tao. Ano, kung gayon, ang pamantayang ginagamit ng Diyos sa pagpapasya sa kahihinatnan ng isang tao? Ang pagpapasya roon batay sa panahon ang siyang pinakaayon sa mga kuru-kuro ng mga tao. Bukod pa riyan, may mga taong madalas ninyong makita na minsa’y lubhang naging tapat, gumugol nang malaki, nagsakripisyo nang husto, at nagdusa nang matindi. Sila, sa tingin ninyo, ang maaaring iligtas ng Diyos. Lahat ng ipinamamalas at isinasabuhay ng mga taong ito ay tiyak na nakaayon sa mga kuru-kuro ng mga tao tungkol sa itinakdang mga pamantayan ng Diyos sa pagpapasya sa kahihinatnan ng isang tao. Anuman ang pinaniniwalaan ninyo, hindi Ko ililistang isa-isa ang mga halimbawang ito. Sa madaling salita, anumang hindi ayon sa pamantayang iniisip mismo ng Diyos ay nagmumula sa imahinasyon ng tao, at lahat ng gayong bagay ay mga kuru-kuro ng tao. Kung pikit-mata mong igigiit ang sarili mong mga kuru-kuro at imahinasyon, ano ang magiging resulta? Medyo malinaw na ang ibubunga nito ay pagtanggi lamang ng Diyos sa iyo. Ito ay dahil lagi mong ipinagyayabang ang iyong mga kwalipikasyon sa harap ng Diyos, nakikipagpaligsahan ka sa Kanya, at nakikipagtalo sa Kanya, at hindi mo talaga sinisikap na unawain ang Kanyang iniisip, ni hindi mo sinisikap na unawain ang kalooban o Kanyang saloobin sa sangkatauhan. Ang pagpapatuloy sa ganitong paraan ay pagpaparangal sa iyong sarili higit sa lahat; hindi nito pinupuri ang Diyos. Naniniwala ka sa iyong sarili; hindi ka naniniwala sa Diyos. Ayaw ng Diyos ang gayong mga tao, ni hindi Niya sila ililigtas. Kung maaari mong kalimutan ang ganitong uri ng pananaw at, bukod pa riyan, maitatama mo ang mga maling pananaw mong iyon noong araw, kung maaari kang magpatuloy ayon sa mga hinihingi ng Diyos, kung maaari mong isagawa ang daan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan mula ngayon, kung maaari mong parangalan ang Diyos bilang Isa na dakila sa lahat ng bagay at magpipigil kang gamitin ang sarili mong personal na mga kagustuhan, pananaw, o paniniwala upang ilarawan ang iyong sarili at ang Diyos, at sa halip ay hahanapin mo ang mga layunin ng Diyos sa lahat ng aspeto, matatanto at mauunawaan mo ang Kanyang saloobin sa sangkatauhan, at mapapalugod mo Siya sa pamamagitan ng pagtugon sa Kanyang mga pamantayan, kamangha-mangha iyan! Ipapakita niyan na magsisimula ka na sa daan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan.

Kung hindi ginagamit ng Diyos ang iba-ibang iniisip, ideya, at pananaw ng mga tao bilang mga pamantayan sa pagpapasya sa kanilang kahihinatnan, anong uri ng pamantayan ang ginagamit Niya upang ipasya ang kahihinatnan ng mga tao? Ginagamit Niya ang mga pagsubok upang ipasya ang kanilang kahihinatnan. May dalawang pamantayan sa paggamit ng Diyos ng mga pagsubok upang ipasya ang kahihinatnan ng mga tao: Ang una ay ang dami ng mga pagsubok na pinagdaraanan ng mga tao, at ang pangalawa ay ang mga resulta ng mga pagsubok na ito sa mga tao. Ang dalawang tagapagpahiwatig na ito ang nagtatakda ng kahihinatnan ng isang tao. Ngayon, ipaliwanag natin ang dalawang pamantayang ito.

Una sa lahat, kapag nahaharap ang isang tao sa isang pagsubok mula sa Diyos (maaaring hindi mabigat ang pagsubok na ito para sa iyo, hindi na kailangang banggitin), titiyakin ng Diyos na may kamalayan ka na ito ang Kanyang kamay sa iyo, at na Siya ang nagsaayos ng sitwasyong ito para sa iyo. Habang musmos pa ang iyong tayog, magsasaayos ng mga pagsubok ang Diyos upang subukin ka, at ang mga pagsubok na ito ay tutugma sa iyong tayog, kung ano ang kaya mong unawain, at ano ang kaya mong tiisin. Anong bahagi mo ang susubukin? Ang saloobin mo sa Diyos. Napakahalaga ba ng saloobing ito? Siyempre mahalaga iyon! Napakahalaga niyon! Ang saloobing ito ng mga tao ang resultang hangad ng Diyos, para sa Kanya, ito ang pinakamahalagang bagay sa lahat. Kung hindi, hindi gugugulin ng Diyos ang Kanyang mga pagsisikap sa mga tao sa pag-aabala sa gayong gawain. Sa pamamagitan ng mga pagsubok na ito, nais ng Diyos na makita ang iyong saloobin sa Kanya; nais Niyang makita kung ikaw ay nasa tamang landas o hindi. Nais din Niyang makita kung may takot ka sa Diyos at umiiwas sa kasamaan o hindi. Samakatuwid, marami man o kaunti ang nauunawaan mong katotohanan sa anumang partikular na panahon, mahaharap ka pa rin sa mga pagsubok ng Diyos, at kasunod ng anumang pagdami ng katotohanang iyong nauunawaan, patuloy Siyang magsasaayos ng mga pagsubok na may kaugnayan sa iyo. Kapag minsan ka pang naharap sa isang pagsubok, nanaisin ng Diyos na makita kung ang iyong pananaw, mga ideya, at saloobin sa Kanya ay nagkaroon na ng anumang paglago sa pagitan ng panahong iyan. Iniisip ng ilang tao, “Bakit nais palaging makita ng Diyos ang saloobin ng mga tao? Hindi pa ba Niya nakita kung paano nila isinasagawa ang katotohanan? Bakit nanaisin pa rin Niyang makita ang kanilang saloobin?” Walang kabuluhang kalokohan iyan! Ipagpalagay nang ganito kung gumawa ang Diyos, tiyak na nakapaloob diyan ang Kanyang kalooban. Palaging inoobserbahan ng Diyos ang mga tao sa tabi, minamasdan ang bawat salita at kilos nila, ang bawat gawa at galaw nila; inoobserbahan pa nga Niya ang bawat iniisip at ideya nila. Itinatala ng Diyos ang lahat ng nangyayari sa mga tao—ang kanilang mabubuting gawa, kanilang mga pagkakamali, kanilang mga paglabag, at pati nga ang kanilang mga paghihimagsik at pagkakanulo—bilang katibayan sa pagpapasya sa kanilang kahihinatnan. Sa paisa-isang hakbang, habang lumalaki ang gawain ng Diyos, makakarinig ka ng mas marami pang katotohanan at tatanggap ka ng mas marami pang positibong bagay at impormasyon, at magtatamo ka ng mas marami pang realidad ng katotohanan. Sa buong prosesong ito, madaragdagan din ang mga hinihingi ng Diyos sa iyo, at kasabay nito, magsasaayos Siya ng mas mabibigat na pagsubok para sa iyo. Samantala, ang Kanyang layon ay suriin kung umunlad na ang iyong saloobin sa Kanya. Siyempre pa, kapag nangyari ito, ang pananaw na hinihingi ng Diyos sa iyo ay aayon sa iyong pagkaunawa sa realidad ng katotohanan.

Habang unti-unting nadaragdagan ang iyong tayog, gayundin ang pamantayang hinihingi ng Diyos sa iyo. Habang musmos ka pa, magtatakda Siya ng napakababang pamantayan para tugunan mo; kapag medyo mas mataas na ang iyong tayog, medyo tataasan Niya ang iyong pamantayan. Ngunit ano ang gagawin ng Diyos kapag naunawaan mo na ang buong katotohanan? Ihaharap ka Niya sa mas malalaking pagsubok. Sa gitna ng mga pagsubok na ito, ang nais na matamo ng Diyos sa iyo, ang nais Niyang makita sa iyo, ay ang mas malalim na kaalaman tungkol sa Kanya, isang tunay na pagpipitagan sa Kanya. Sa panahong ito, ang Kanyang mga hinihingi sa iyo ay magiging mas mataas at “mas malupit” kaysa noong mas musmos pa ang iyong tayog (maaaring ituring ng mga tao na malupit ang mga ito, ngunit itinuturing talaga ng Diyos na makatwiran ang mga ito). Kapag sinusubok ng Diyos ang mga tao, anong klaseng realidad ang nais Niyang likhain? Palagi Niyang hinihingi na ibigay ng mga tao ang kanilang puso sa Kanya. Sasabihin ng ilang tao, “Paano ko maibibigay iyan? Nagawa ko na ang aking tungkulin; tinalikuran ko na ang aking tahanan at kabuhayan, at ginugol ko na ang sarili ko. Hindi ba mga halimbawa ang lahat ng ito ng pagbibigay ng aking puso sa Diyos? Maaari kayang hindi talaga mga paraan ito ng pagbibigay ng aking puso sa Kanya? Ano ang partikular na hinihingi ng Diyos?” Napakasimple ng hinihingi. Sa katunayan, may ilang taong nakapagbigay na ng kanilang puso sa Diyos sa iba-ibang antas sa panahon ng iba-ibang yugto ng kanilang mga pagsubok, ngunit hindi kailanman ibinigay ng karamihan sa mga tao ang kanilang puso sa Diyos. Kapag sinusubok ka ng Diyos, nakikita Niya kung ang puso mo ay nasa Kanya, nasa laman, o kay Satanas. Kapag sinusubok ka ng Diyos, nakikita Niya kung lumalaban ka sa Kanya o nakaayon ka sa Kanya, at nakikita rin Niya kung nasa panig Niya ang puso mo. Kapag musmos ka pa at nahaharap sa mga pagsubok, kakaunti ang iyong tiwala, at hindi mo malalaman talaga kung ano ang kailangan mong gawin upang matupad ang mga layunin ng Diyos, sapagkat limitado ang pagkaunawa mo sa katotohanan. Gayunman, kung maaari ka pa ring manalangin sa Diyos nang tunay at taimtim, at kung handa kang ibigay ang iyong puso sa Kanya, gawin mo Siyang pinakamakapangyarihang pinuno mo, at maging handang ialay sa Kanya ang lahat ng bagay na pinaniniwalaan mong pinakamahalaga, sa gayon ay naibigay mo na ang puso mo sa Diyos. Habang nakikinig ka sa mas maraming sermon at mas nauunawaan mo ang katotohanan, unti-unti ring madaragdagan ang iyong tayog. Sa panahong ito, ang pamantayan ng mga hinihingi ng Diyos ay hindi na katulad noong musmos ka pa; hihingin Niya ang mas mataas na pamantayan sa iyo. Habang unti-unting ibinibigay ng mga tao ang kanilang puso sa Diyos, dahan-dahang mapapalapit ang kanilang puso sa Diyos; kapag tunay na napapalapit ang mga tao sa Diyos, mas magpipitagan ang kanilang puso sa Kanya. Gayong puso lamang ang nais ng Diyos.

Kapag nais ng Diyos na maangkin ang puso ng isang tao, isasailalim Niya ang taong iyon sa maraming pagsubok. Sa panahon ng mga pagsubok na ito, kung hindi maangkin ng Diyos ang puso ng taong iyon o makita na may anumang saloobin ang taong ito—ibig sabihin, kung hindi nakikita ng Diyos na nagsasagawa o kumikilos ang taong ito sa isang paraan na nagpapakita ng pagpipitagan sa Kanya, at kung hindi rin Niya nakikita sa taong ito ang isang saloobin at matibay na pagpapasya na umiwas sa kasamaan—pagkaraan ng maraming pagsubok, hindi na sila pagpapasensyahan ng Diyos, at hindi na Siya magpaparaya sa kanila. Hindi na Niya susubukin ang taong ito, at hindi na Siya gagawa pa sa kanila. Kaya, ano ang ipinahihiwatig nito sa kahihinatnan ng taong ito? Nangangahulugan ito na wala silang kahihinatnan. Marahil ay wala silang nagawang nakakagambala at hindi sila nagsanhi ng kaguluhan. Marahil ay hindi nila hayagang nilabanan ang Diyos. Gayunman, nananatiling tago ang puso ng taong ito sa Diyos; hindi sila kailanman nagkaroon ng malinaw na saloobin at pananaw sa Diyos, at hindi makita nang malinaw ng Diyos kung naibigay nila ang kanilang puso sa Kanya o kung hinahangad nilang magkaroon ng takot sa Kanya at iwasan ang kasamaan. Nauubos ang pasensya ng Diyos sa gayong mga tao, at hindi na Siya magsasakripisyo para sa kanila, maaawa sa kanila, o gagawa sa kanila. Nagwakas na ang pamumuhay ng isang tao nang may pananampalataya sa Diyos. Ito ay dahil, sa lahat ng maraming pagsubok na naibigay ng Diyos sa kanila, hindi natamo ng Diyos ang resultang nais Niya. Sa gayon, may ilang tao na hindi Ko kailanman nakitaan ng kaliwanagan at pagtanglaw ng Banal na Espiritu. Paano ito makikita? Ang mga taong ito ay maaaring naniwala sa Diyos sa loob ng maraming taon, at sa tingin, kumilos sila nang masigla; nakabasa ng maraming aklat, nangasiwa sa maraming gawain, nakapuno ng isang dosena o mas marami pang kuwaderno, at naging dalubhasa sa napakaraming salita at doktrina. Gayunman, kailanman ay walang anumang nakikitang paglago sa kanila, hindi pa rin makita ang kanilang mga pananaw sa Diyos, at malabo pa rin ang kanilang saloobin. Sa madaling salita, hindi makita ang nilalaman ng kanilang puso; laging balot at selyado ang kanilang puso—selyado ang mga ito sa Diyos. Dahil dito, hindi pa Niya nakita ang tunay na nilalaman ng kanilang puso, hindi pa Niya nakita sa mga taong ito ang anumang tunay na pagpipitagan sa Kanya, at, bukod pa riyan, hindi pa Niya nakita kung paano lumalakad ang mga taong ito sa Kanyang daan. Kung hindi pa rin natatamo ng Diyos ang gayong mga tao hanggang ngayon, matatamo ba Niya sila sa hinaharap? Hindi! Ipagpipilitan ba Niya ang mga bagay na hindi matatamo? Hindi! Ano, kung gayon, ang kasalukuyang saloobin ng Diyos sa gayong mga tao? (Tinatanggihan Niya sila at binabalewala.) Binabalewala Niya sila! Hindi pinakikinggan ng Diyos ang gayong mga tao; tinatanggihan Niya sila. Nakabisado na ninyo ang mga salitang ito nang napakabilis, at napakatumpak. Mukhang naunawaan na ninyo ang inyong narinig!

Ang ilang tao, kapag nagsisimula silang sumunod sa Diyos, ay musmos at mangmang; hindi nila nauunawaan ang Kanyang kalooban, ni hindi nila alam kung ano ang paniniwala sa Kanya. Ginagamit nila ang naisip at maling paraan ng tao sa paniniwala at pagsunod sa Diyos. Kapag nahaharap ang gayong mga tao sa mga pagsubok, hindi nila namamalayan ito; nananatili silang manhid sa patnubay at kaliwanagan ng Diyos. Hindi nila alam ang ibig sabihin ng ibigay ang kanilang puso sa Diyos o ang ibig sabihin ng manindigan sa panahon ng isang pagsubok. Bibigyan ng Diyos ng limitadong oras ang gayong mga tao, at sa panahong ito, ipauunawa Niya sa kanila kung ano ang Kanyang mga pagsubok at kung ano ang Kanyang mga layunin. Pagkatapos, kailangang ipamalas ng mga taong ito ang kanilang pananaw. Para sa mga taong nasa yugtong ito, naghihintay pa rin ang Diyos. Tungkol naman sa mga taong may ilang pananaw subalit nag-aalinlangan pa rin, na nais ibigay ang kanilang puso sa Diyos ngunit hindi kayang gawin ito, at sinusubukan na magtago at sumuko kapag nahaharap sila sa malalaking pagsubok kahit naisagawa na nila ang ilang pangunahing katotohanan—ano ang saloobin ng Diyos sa kanila? Umaasa pa rin Siya nang kaunti sa kanila, at ang resulta ay nakasalalay sa kanilang saloobin at pagganap. Kung hindi aktibo sa pag-unlad ang mga tao, ano ang ginagawa ng Diyos? Isinusuko Niya sila. Ito ay dahil, bago sumuko ang Diyos sa iyo, sumuko ka na sa sarili mo. Kaya, hindi mo masisisi ang Diyos sa paggawa nito. Mali na nagkikimkim ka ng hinaing laban sa Diyos.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paano Malalaman ang Disposisyon ng Diyos at ang mga Resultang Makakamtan ng Kanyang Gawain

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 12

Sa pagsunod sa Diyos, bihirang pansinin ng mga tao ang Kanyang kalooban, at bihira nilang pansinin ang Kanyang mga iniisip at Kanyang saloobin sa mga tao. Hindi nauunawaan ng mga tao ang mga iniisip ng Diyos, kaya, kapag tinatanong kayo tungkol sa Kanyang mga layunin at disposisyon, nalilito kayo; lubha kayong nawawalan ng katiyakan, at pagkatapos ay nanghuhula kayo o nakikipagsapalaran. Anong uri ng pag-iisip ito? Pinatutunayan nito ang isang katotohanan: na karamihan sa mga tao na naniniwala sa Diyos ay itinuturing Siyang walang halaga at isang bagay na tila umiiral nang isang minuto at nawawala sa susunod. Bakit Ko sinasabi ito nang ganito? Dahil tuwing nahaharap kayo sa isang problema, hindi ninyo alam ang kalooban ng Diyos. Bakit hindi ninyo alam ang Kanyang kalooban? Hindi lamang ngayon, kundi mula simula hanggang katapusan, hindi ninyo alam ang saloobin ng Diyos sa problemang ito. Hindi mo ito maarok at hindi mo alam kung ano ang saloobin ng Diyos, ngunit napag-isipan mo ba ito nang husto? Naghangad ka na bang malaman iyon? Nakapagbahaginan ka na ba tungkol doon? Hindi! Pinagtitibay nito ang isang katunayan: Ang Diyos na iyong pinaniniwalaan ay walang kaugnayan sa Diyos ng realidad. Sa iyong paniniwala sa Diyos, pinagninilayan mo lamang ang sarili mong mga layunin at ng iyong mga lider; iniisip mo lamang ang mabababaw at doktrinal na kahulugan ng mga salita ng Diyos, nang hindi tunay na nagsisikap na alamin o hangarin man lamang ang kalooban ng Diyos. Hindi ba ganito iyon? Ang diwa ng bagay na ito ay medyo nakakakilabot! Makalipas ang napakaraming taon, nakita Ko na ang maraming tao na naniniwala sa Diyos. Ano ang nabago ng kanilang paniniwala sa Diyos sa kanilang isipan? Naniniwala ang ilang tao sa Diyos na para bang wala Siyang halaga. Walang sagot ang mga taong ito sa mga tanong tungkol sa pag-iral ng Diyos, dahil hindi nila nadarama ni nararamdaman ang Kanyang presensya o pagkawala, lalo nang hindi nila nakikita nang malinaw o nauunawaan ito. Hindi nila namamalayan, iniisip ng mga taong ito na hindi umiiral ang Diyos. Naniniwala ang iba pa sa Diyos na para bang Siya ay isang tao. Iniisip ng mga taong ito na hindi Niya kayang gawin ang lahat ng bagay na hindi rin nila kayang gawin, at na dapat Siyang mag-isip kung paano sila mag-isip. Ang pakahulugan nila sa Diyos ay “isang taong hindi nakikita at hindi nahahawakan.” Mayroon ding isang grupo ng mga tao na naniniwala sa Diyos na para bang Siya ay isang tau-tauhan; naniniwala ang mga taong ito na walang damdamin ang Diyos. Iniisip nila na ang Diyos ay isang rebultong gawa sa luwad, at na kapag naharap sa isang isyu, ang Diyos ay walang saloobin, pananaw, o mga ideya; naniniwala sila na Siya ay minamanipula ng sangkatauhan. Naniniwala lamang ang mga tao kung paano nila gustong maniwala. Kung ginagawa nila Siyang dakila, Siya ay dakila; kung ginagawa nila Siyang maliit, Siya ay maliit. Kapag nagkakasala ang mga tao at kailangan nila ang awa, pagpaparaya, at pagmamahal ng Diyos, ipinapalagay nila na dapat ipaabot ng Diyos ang Kanyang awa. Nag-iimbento ang mga taong ito ng isang “Diyos” sa sarili nilang isipan, at pagkatapos ay ginagawa ang “Diyos” na ito na tuparin ang kanilang mga kahilingan at palugurin ang lahat ng pagnanasa nila. Kailan man o saan man, at anuman ang ginagawa ng gayong mga tao, gagamitin nila ang kahibangang ito sa pagtrato nila sa Diyos at sa kanilang pananampalataya. Mayroon pa ngang mga tao, matapos galitin ang disposisyon ng Diyos, na naniniwala pa rin na maaari Niya silang iligtas, dahil ipinapalagay nila na ang pagmamahal ng Diyos ay walang hangganan at ang Kanyang disposisyon ay matuwid, at gaano man magkasala ang mga tao sa Diyos, hindi Niya aalalahanin ang anuman dito. Iniisip nila na yamang ang mga pagkakamali ng tao, mga pagkakasala ng tao, at mga pagsuway ng tao ay pansamantalang mga pagpapahayag ng disposisyon ng isang tao, bibigyan ng Diyos ng mga pagkakataon ang mga tao, at magpaparaya at magpapasensya sa kanila; naniniwala sila na mamahalin pa rin sila ng Diyos tulad ng dati. Sa gayon, nananatiling malaki ang kanilang pag-asa na magtamo ng kaligtasan. Sa katunayan, paano man naniniwala ang mga tao sa Diyos, basta’t hindi nila sinisikap na matamo ang katotohanan, negatibo pa rin ang Kanyang saloobin sa kanila. Ito ay dahil habang sumasampalataya ka sa Diyos, bagamat nakuha at napahalagahan mo na ang aklat ng mga salita ng Diyos, at pinag-aaralan at binabasa mo ito araw-araw, isinasantabi mo ang tunay na Diyos. Itinuturing mo Siyang walang halaga, o isang tao lamang—at ang ilan sa inyo ay itinuturing Siyang isang tau-tauhan lamang. Bakit Ko ito sinasabi sa ganitong paraan? Ginagawa Ko iyon dahil ang tingin Ko rito, nahaharap ka man sa isang problema o sa isang sitwasyon, ang mga bagay na umiiral sa likod ng iyong isipan, ang mga bagay na nabubuo sa iyong kalooban, ay hindi kailanman nagkaroon ng anumang kaugnayan sa mga salita ng Diyos o sa pagsisikap na matamo ang katotohanan. Alam mo lamang kung ano ang iniisip mo mismo, kung ano ang sarili mong pananaw, at pagkatapos ay ipinipilit mo ang sarili mong mga ideya at opinyon sa Diyos. Sa iyong isipan nagiging mga pananaw ng Diyos ang mga ito, at ginagawa mong mga pamantayan ang mga pananaw na ito na walang-sawa mong pinaninindigan. Sa paglipas ng panahon, ang pagpapatuloy nang ganito ay lalong maglalayo sa iyo sa Diyos.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paano Malalaman ang Disposisyon ng Diyos at ang mga Resultang Makakamtan ng Kanyang Gawain

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 13

Unawain ang Saloobin ng Diyos at Isantabi ang Lahat ng Maling Akala Tungkol sa Diyos

Anong uri ba talaga ng Diyos itong Diyos na kasalukuyan ninyong pinaniniwalaan? Napag-isipan na ba ninyo ito? Kapag nakakakita Siya ng isang masamang tao na gumagawa ng masasamang bagay, kinamumuhian ba Niya ito? (Oo, kinamumuhian Niya.) Ano ang Kanyang saloobin kapag nakikita Niyang nagkakamali ang mga taong mangmang? (Kalungkutan.) Kapag nakikita Niyang ninanakaw ng mga tao ang mga handog sa Kanya, ano ang Kanyang saloobin? (Kinamumuhian Niya sila.) Napakalinaw ng lahat ng ito. Kapag nakikita Niya ang tao na nalilito sa kanilang paniniwala sa Kanya, na hindi nagsisikap na malaman ang katotohanan, ano ang saloobin ng Diyos? Hindi kayo masyadong nakatitiyak, hindi ba? Ang “pagkalito,” bilang isang saloobin, ay hindi isang kasalanan, ni hindi nito sinasaktan ang Diyos, at nadarama ng mga tao na hindi ito isang uri ng malaking pagkakamali. Kaya, sabihin ninyo sa Akin—ano ang saloobin ng Diyos sa sitwasyong ito? (Ayaw Niyang kilalanin ang mga ito.) “Ayaw kilalanin ang mga ito”—anong uri ng saloobin ito? Ang ibig sabihin nito ay mababa ang tingin ng Diyos sa mga taong ito at kinasusuklaman sila! Ang paraan ng pakikitungo Niya sa gayong mga tao ay ipinagwawalang-bahala Niya sila. Ang paraan ng Diyos ay ang isantabi sila, hindi Siya nag-aabalang gumawa ng anuman sa kanila, at kabilang diyan ang gawain ng pagbibigay-liwanag, pagtatanglaw, pagtutuwid, at pagdidisiplina. Ang gayong mga tao ay talagang hindi kabilang sa gawain ng Diyos. Ano ang saloobin ng Diyos doon sa mga nagpapagalit sa Kanyang disposisyon at lumalabag sa Kanyang mga atas administratibo? Matinding pagkasuklam! Matindi ang galit ng Diyos sa mga taong hindi nagsisisi tungkol sa pagpapagalit sa Kanyang disposisyon! Ang “matinding galit” ay isang damdamin lamang, isang pakiramdam; hindi ito katumbas ng isang malinaw na saloobin. Gayunman, ang damdaming ito—ang pakiramdam na ito—ay magdudulot ng isang kahihinatnan para sa gayong mga tao: Pupunuin nito ng matinding pagkamuhi ang Diyos! Ano ang ibubunga ng matinding pagkamuhing ito? Isasantabi ng Diyos ang mga taong ito at pansamantala Siyang hindi tutugon sa kanila. Pagkatapos ay hihintayin Niyang maiayos sila “pagkaraan ng taglagas.” Ano ang ipinahihiwatig nito? May kahihinatnan pa rin ba ang mga taong ito? Hindi kailanman nilayon ng Diyos na bigyan ng anumang kahihinatnan ang gayong mga tao! Samakatuwid, hindi ba normal na normal na hindi tumutugon ngayon ang Diyos sa gayong mga tao? (Oo, normal iyan.) Ano ang dapat paghandaang gawin ng gayong mga tao? Dapat silang maghandang tiisin ang mga negatibong ibubunga ng kanilang pag-uugali at ng mga kasamaang nagawa nila. Ito ang tugon ng Diyos sa gayong tao. Kaya, malinaw Kong sinasabi ngayon sa gayong mga tao: Huwag na kayong kumapit sa inyong mga kahibangan, at huwag na kayong mag-abala sa anumang iniisip ninyong mithiin. Hindi magpaparaya ang Diyos sa mga tao nang walang-katapusan; hindi Niya titiisin ang kanilang mga paglabag o pagsuway magpakailanman. Sasabihin ng ilang tao, “Nakakita na rin ako ng ilang taong ganoon, at kapag nagdarasal sila, nadarama nila na lalo silang naaantig ng Diyos, at pagkatapos ay mapait silang lumuluha. Karaniwan ay napakasaya rin nila; parang nasa presensya sila ng Diyos at pinapatnubayan sila ng Diyos.” Huwag ninyong sabihin ang walang katuturang iyan! Ang mapapait na luha ay hindi nangangahulugan na ang isang tao ay naaantig ng Diyos o natatamasa ang presensya ng Diyos, lalo na ang patnubay ng Diyos. Kung ginagalit ng mga tao ang Diyos, gagabayan pa rin ba Niya sila? Sa madaling salita, kapag nakapagpasya ang Diyos na alisin at pabayaan ang isang tao, wala nang kahihinatnan ang taong iyon. Gaano man kaganda ang kanilang pakiramdam kapag nagdarasal sila, o gaano man kalaki ang kanilang pananampalataya sa Diyos sa kanilang puso, hindi na mahalaga iyon. Ang mahalaga ay na hindi kailangan ng Diyos ang ganitong klaseng pananampalataya; natanggihan na Niya ang mga taong ito. Kung paano sila pakikitunguhan sa hinaharap ay hindi rin mahalaga. Ang mahalaga ay na sa mismong sandali na galitin ng mga taong ito ang Diyos, nakatakda na ang kanilang kahihinatnan. Kung naipasya na ng Diyos na huwag iligtas ang gayong mga tao, maiiwanan sila upang parusahan. Ito ang saloobin ng Diyos.

Bagamat may elemento ng pagmamahal ang diwa ng Diyos, at maawain Siya sa bawat isang tao, nakaligtaan at nalimutan ng mga tao ang katotohanan na may dignidad din ang Kanyang diwa. Hindi komo may pagmamahal Siya ay maaari na Siyang saktan nang buong laya ng mga tao, nang walang pinupukaw na damdamin o reaksyon sa Kanya, ni hindi nangangahulugan na komo may awa Siya ay wala na Siyang mga prinsipyo sa pagtrato Niya sa mga tao. Ang Diyos ay buhay; Siya ay tunay na umiiral. Hindi Siya isang kathang-isip na tau-tauhan ni anupamang ibang bagay. Dahil Siya ay umiiral, dapat tayong makinig na mabuti sa tinig ng Kanyang puso sa lahat ng oras, pansinin nating mabuti ang Kanyang saloobin, at unawain natin ang Kanyang damdamin. Hindi natin dapat gamitin ang mga imahinasyon ng tao para tukuyin ang Diyos, ni hindi natin dapat igiit ang mga iniisip o ninanais ng tao sa Kanya, na nagiging sanhi upang tratuhin ng Diyos ang mga tao sa paraan ng tao batay sa mga imahinasyon ng tao. Kung gagawin mo ito, gagalitin mo ang Diyos, bubuyuhin mo Siyang mapoot, at hahamunin mo ang Kanyang dignidad! Sa gayon, kapag naunawaan na ninyo ang katindihan ng bagay na ito, hinihimok Ko ang bawat isa sa inyo na maging maingat at mahinahon sa inyong mga kilos. Maging maingat at mahinahon din sa inyong pananalita—patungkol sa pagtrato ninyo sa Diyos, mas maingat at mahinahon kayo, mas mabuti! Kapag hindi mo nauunawaan kung ano ang saloobin ng Diyos, iwasang magsalita nang walang-ingat, huwag magpadalus-dalos sa iyong mga kilos, at huwag basta-basta magbansag. Ang mas mahalaga pa, huwag magsalita nang patapos na walang batayan. Sa halip, dapat kang maghintay at maghanap; ang mga kilos na ito ay pagpapahayag din ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan. Higit sa lahat, kung magagawa mo ito, at higit sa lahat, kung angkin mo ang saloobing ito, hindi ka sisisihin ng Diyos sa iyong kahangalan, kamangmangan, at kawalan ng pang-unawa sa mga dahilan sa likod ng mga bagay-bagay. Sa halip, dahil sa iyong saloobing takot na magkasala sa Diyos, paggalang sa Kanyang mga layunin, at kahandaang sundin Siya, aalalahanin ka ng Diyos, gagabayan at liliwanagan ka, o magpaparaya Siya sa iyong kakulangan sa gulang at kamangmangan. Sa kabilang dako, kapag nawalan ka ng pitagan sa Kanya—na hinuhusgahan Siya ayon sa gusto mo o hinuhulaan at tinutukoy mo nang di-makatwiran ang Kanyang mga ideya—isusumpa ka ng Diyos, didisiplinahin ka, at parurusahan ka pa; o, maaari Siyang magkomento sa iyo. Marahil ay kasama ang iyong kahihinatnan sa komentong ito. Samakatuwid, nais Kong minsan pang bigyang-diin: Dapat maging maingat at mahinahon ang bawat isa sa inyo tungkol sa lahat ng bagay na nagmumula sa Diyos. Huwag kayong magsalita nang walang ingat, at huwag magpadalus-dalos sa inyong mga kilos. Bago ka magsalita ng anuman, dapat kang tumigil at mag-isip: Magagalit ba ang Diyos sa kilos kong ito? Sa paggawa nito, nagpipitagan ba ako sa Diyos? Kahit sa mga simpleng bagay, dapat mo pa ring subuking unawain ang mga tanong na ito, at gumugol ng mas maraming oras sa pag-iisip tungkol sa mga ito. Kung talagang makapagsasagawa ka ayon sa mga prinsipyong ito sa lahat ng aspeto, sa lahat ng bagay, sa lahat ng oras, at magkaroon ka ng gayong saloobin lalo na kapag mayroon kang hindi nauunawaan, lagi kang gagabayan ng Diyos at bibigyan ka ng isang landas na susundan. Anumang pagganap ang ipinapakita ng mga tao, nakikita ng Diyos ang mga iyon nang malinaw at maliwanag, at mag-aalok Siya ng isang tumpak at angkop na pagsusuri sa mga ipinapakita mong ito. Matapos mong pagdaanan ang huling pagsubok, kukunin ng Diyos ang lahat ng pag-uugali mo at ibubuod ang mga ito nang ganap upang maipasya ang iyong kahihinatnan. Ang resultang ito ay kukumbinsihin ang bawat isang tao nang walang anumang pagdududa. Ang gusto Kong sabihin sa inyo rito ay ito: Ang bawat gawa ninyo, bawat kilos ninyo, at bawat iniisip ninyo ang nagpapasya sa inyong kapalaran.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paano Malalaman ang Disposisyon ng Diyos at ang mga Resultang Makakamtan ng Kanyang Gawain

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 14

Sino ang Nagpapasya sa Kahihinatnan ng mga Tao?

May isa pang bagay na napakahalagang talakayin, at ito ay ang saloobin ninyo sa Diyos. Ang saloobing ito ay napakahalaga! Ito ang nagpapasya kung sa huli ay patungo kayo sa pagkawasak o sa isang magandang hantungang naihanda ng Diyos para sa inyo. Sa Kapanahunan ng Kaharian, gumawa na ang Diyos ng mahigit dalawampung taon, at marahil, sa paglipas ng dalawang dekadang ito, sa inyong kaibuturan ay hindi kayo gaanong nakatitiyak tungkol sa inyong pagganap. Gayunman, sa puso ng Diyos, gumawa na Siya ng isang tunay at matapat na talaan ng bawat isa sa inyo. Mula nang magsimulang sumunod sa Kanya ang bawat tao at makinig sa Kanyang mga sermon, na unti-unting mas lalong nauunawaan ang katotohanan, at hanggang sa panahon na bawat tao ay nagsimulang tuparin ang kanilang mga tungkulin, nag-ingat na ng talaan ang Diyos tungkol sa lahat ng pamamaraan ng pagsasagawang nagawa ng bawat tao. Habang tinutupad ang kanilang mga tungkulin at nahaharap sa lahat ng uri ng sitwasyon at pagsubok, ano ang mga saloobin ng mga tao? Paano sila gumaganap? Ano ang nadarama nila sa Diyos sa kanilang puso? … May ulat ang Diyos ng lahat ng ito; may talaan Siya ng lahat ng ito. Marahil, mula sa inyong pananaw, nakalilito ang mga isyung ito. Gayunman, mula sa kinatatayuan ng Diyos, kasinglinaw ng kristal ang mga ito, at wala ni katiting na pahiwatig ng kawalang-ingat. Ito ay isang isyu na nauugnay sa kahihinatnan ng bawat tao, at binabanggit ang kapalaran at mga inaasam din ng mga tao sa hinaharap, at higit pa riyan, dito ginugugol ng Diyos ang lahat ng Kanyang napakaingat na mga pagsisikap; samakatuwid, hindi ito kaliligtaan ng Diyos ni bahagya, ni hindi Siya nagpaparaya sa anumang kawalang-ingat. Gumagawa ng isang talaan ang Diyos tungkol sa salaysay na ito ng sangkatauhan, na itinatala ang buong landasin ng mga tao sa kanilang pagsunod sa Diyos, mula simula hanggang wakas. Ang saloobin mo sa Kanya sa panahong ito ang nagpasya sa iyong kapalaran. Hindi ba totoo ito? Ngayon, naniniwala ka ba na ang Diyos ay matuwid? Angkop ba ang Kanyang mga kilos? Mayroon pa rin ba kayong anumang iba pang mga imahinasyon tungkol sa Diyos sa inyong isipan? (Wala.) Kung gayon ay sasabihin ba ninyo na ang Diyos ang nagpapasya sa kahihinatnan ng mga tao, o ang mga tao ang nagpapasya sa sarili nila? (Diyos ang nagpapasya nito.) Sino ang nagpapasya sa mga ito? (Ang Diyos.) Hindi kayo sigurado, hindi ba? Mga kapatid mula sa Hong Kong, magsalita kayo—sino ang nagpapasya sa mga ito? (Mga tao mismo ang nagpapasya nito.) Mga tao ba mismo ang nagpapasya nito? Nangangahulugan ba iyan na walang kinalaman sa Diyos ang kahihinatnan ng mga tao? Mga kapatid mula sa South Korea, magsalita kayo. (Diyos ang nagpapasya sa kahihinatnan ng mga tao batay sa lahat ng kanilang kilos at gawa, at alinsunod sa landas na kanilang tinatahak.) Napakamakatarungan ng sagot na ito. May isang katotohanan dito na kailangan Kong ipaalam sa inyong lahat: Sa panahon ng gawain ng pagliligtas ng Diyos, nagtakda na Siya ng isang pamantayan para sa mga tao. Ang pamantayang ito ay na kailangan nilang makinig sa salita ng Diyos at lumakad sa daan ng Diyos. Ang pamantayang ito ang ginagamit para timbangin ang kahihinatnan ng mga tao. Kung nagsasagawa ka alinsunod sa pamantayang ito ng Diyos, maaari kang magtamo ng magandang kahihinatnan; kung hindi naman, hindi ka magtatamo ng magandang kahihinatnan. Sino, kung gayon, ang masasabi mong nagpapasya sa kahihinatnang ito? Hindi lamang ang Diyos ang nagpapasya nito, kundi sa halip ay ang Diyos at ang mga tao nang magkasama. Tama ba ito? (Oo.) Bakit ganoon? Dahil ang Diyos ang aktibong nagnanais na maging abala sa gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan at maghanda ng isang magandang hantungan para sa sangkatauhan; ang mga tao ang mga pakay ng gawain ng Diyos, at ang kahihinatnang ito, ang hantungang ito, ang inihahanda ng Diyos para sa kanila. Kung wala Siyang mga pakay na tutuparin, hindi Niya kailangang gawin ang gawaing ito; kung hindi Niya ginagawa ang gawaing ito, hindi magkakaroon ng pagkakataon ang mga tao na magtamo ng kaligtasan. Ang mga tao ang ililigtas, at bagamat ang maligtas ay ang pasibong bahagi ng proseso, ang saloobin ng mga gumaganap sa bahaging ito ang nagpapasya kung magtatagumpay ang Diyos o hindi sa Kanyang gawaing iligtas ang sangkatauhan. Kung hindi sa patnubay na ibinibigay ng Diyos sa iyo, hindi mo malalaman ang Kanyang pamantayan, ni hindi ka magkakaroon ng obhektibo. Kung ganito ang iyong pamantayan, ang iyong obhektibo, subalit hindi ka pa rin nakikipagtulungan, nagsasagawa, o nagbabayad ng halaga, hindi mo matatamo ang kahihinatnang ito. Dahil dito, sinasabi Ko na ang kahihinatnan ng isang tao ay hindi maihihiwalay sa Diyos, at hindi rin ito maihihiwalay sa tao. Kung gayon, alam na ninyo ngayon kung sino ang nagpapasya sa kahihinatnan ng tao.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paano Malalaman ang Disposisyon ng Diyos at ang mga Resultang Makakamtan ng Kanyang Gawain

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 15

Kadalasang Ipinapakahulugan ng mga Tao ang Diyos Batay sa Karanasan (Piling sipi)

Kapag nag-uusap-usap tungkol sa paksa ng pagkilala sa Diyos, mayroon ba kayong napansin? Napansin ba ninyo na nagkaroon na ng pagbabago ang Kanyang saloobin sa mga panahong ito? Hindi ba maaaring baguhin ang Kanyang saloobin ukol sa mga tao? Lagi ba Siyang magtitiis na kagaya nito, na ipinapaabot nang walang hangganan ang Kanyang pagmamahal at awa sa pagtataksil ng mga tao? Ang bagay na ito ay nauugnay rin sa diwa ng Diyos. … Nang malaman na mahal ng Diyos ang sangkatauhan, itinuturing nila Siya na isang simbolo ng pagmamahal: Naniniwala sila na anuman ang ginagawa ng mga tao, paano man sila kumikilos, paano man nila tinatrato ang Diyos, at gaano man sila kasuwail, wala sa mga ito ang mahalaga, sapagkat ang Diyos ay may pagmamahal, at ang Kanyang pagmamahal ay walang hangganan at hindi masusukat; ang Diyos ay may pagmamahal, kaya maaari Siyang maging mapagparaya sa mga tao; at ang Diyos ay may pagmamahal, kaya maaari Siyang maging maawain sa mga tao, maawain sa kanilang pagiging isip-bata, maawain sa kanilang kamangmangan, at maawain sa kanilang pagsuway. Ganito ba talaga ito? Para sa ilang tao, kapag naranasan na nilang minsan o kahit ilang beses ang pasensya ng Diyos, ituturing nila ang mga karanasang ito bilang puhunan sa kanilang sariling pagkaunawa sa Diyos, naniniwala na magiging mapagpasensya at maawain Siya sa kanila magpakailanman, at pagkatapos, habang nabubuhay sila, itinuturing nila ang pasensyang ito ng Diyos at isinasaalang-alang bilang pamantayan ng Kanyang pagtrato sa kanila. May mga tao rin na, matapos maranasan nang minsan ang pagpaparaya ng Diyos, ay magpakailanmang ipapakahulugan ang Diyos na mapagparaya—at sa kanilang isipan, ang pagpaparayang ito ay walang hangganan, walang kondisyon, at lubos pa ngang walang prinsipyo. Tama ba ang ganitong mga paniniwala? Tuwing tinatalakay ang mga bagay tungkol sa diwa o disposisyon ng Diyos, tila nalilito kayo. Lubha Akong nababalisa kapag nakikita Ko kayong ganito. Marami na kayong narinig na katotohanan tungkol sa diwa ng Diyos; nakinig na rin kayo sa maraming talakayan tungkol sa Kanyang disposisyon. Gayunman, sa inyong isipan, ang mga isyung ito at ang katotohanan ng mga aspetong ito ay mga alaala lamang na batay sa teorya at nakasulat na mga salita; sa inyong pang-araw-araw na buhay, walang sinuman sa inyo ang nakaranas o nakakita kailanman sa kung ano ba talaga ang disposisyon ng Diyos. Sa gayon, naguguluhan kayong lahat sa inyong mga paniniwala; lahat kayo ay pikit-matang naniniwala, hanggang sa puntong wala na kayong pagpipitagan sa Diyos at binabalewala pa ninyo Siya. Saan humahantong ang pagkakaroon ninyo ng ganitong klase ng saloobin tungo sa Diyos? Humahantong ito sa palagi ninyong paggawa ng mga konklusyon tungkol sa Diyos. Kapag nagkaroon na kayo ng kaunting kaalaman, masyado na kayong nasisiyahan, na para bang natamo na ninyo ang Diyos sa Kanyang kabuuan. Pagkatapos, ipinapalagay ninyo na ganito ang Diyos, at hindi ninyo Siya hinahayaang kumilos nang malaya. Bukod pa riyan, tuwing may ginagawang bago ang Diyos, sadyang ayaw ninyong tanggapin na Siya ay Diyos. Balang araw, kapag sinabi ng Diyos na, “Hindi Ko na mahal ang sangkatauhan; hindi na Ako maaawa sa mga tao; wala na Akong anumang pagpaparaya o pasensya sa kanila; punung-puno na Ako ng matinding pagkamuhi at pagkainis sa kanila,” ang gayong mga pahayag ay magsasanhi ng pagtatalo sa kaibuturan ng puso ng mga tao. Sasabihin pa ng ilan sa kanila, “Hindi na Ikaw ang Diyos ko; hindi na Ikaw ang Diyos na nais kong sundin. Kung ganito ang sinasabi Mo, hindi Ka na karapat-dapat na maging Diyos ko, at hindi ko na kailangang patuloy na sumunod sa Iyo. Kung hindi Mo ako kaaawaan, mamahalin, at pagpaparayaan, titigil na ako sa pagsunod sa Iyo. Kung nagpaparaya Ka sa akin nang walang hangganan, lagi Kang nagpapasensya sa akin, at tinutulutan Mo akong makita na Ikaw ay pagmamahal, na Ikaw ay pagpapasensya, at na Ikaw ay pagpaparaya, saka lamang Kita masusunod, at saka lamang ako magkakaroon ng tiwala na sumunod sa Iyo hanggang wakas. Dahil nagpapasensya at naaawa Ka sa akin, maaaring mapatawad ang aking pagsuway at aking mga paglabag nang walang hangganan, at maaari akong magkasala kailanman at saanman, mangumpisal at mapatawad kailanman at saanman, at galitin Ka kailanman at saanman. Hindi Ka dapat magkaroon ng anumang mga opinyon o gumawa ng anumang mga konklusyon tungkol sa akin.” Bagamat walang isa man sa inyo ang maaaring mag-isip tungkol sa ganitong uri ng isyu nang pansarili o sadya, tuwing itinuturing mong kasangkapan ang Diyos na gagamitin para mapatawad ka sa iyong mga kasalanan o isang bagay na gagamitin para magtamo ng magandang hantungan, bahagya mo nang nagawa ang buhay na Diyos bilang kakontra mo, bilang kaaway mo. Ito ang nakikita Ko. Maaari mong patuloy na sabihin ang mga bagay na tulad ng, “Naniniwala ako sa Diyos,” “Hinahangad ko ang katotohanan,” “Nais kong baguhin ang aking disposisyon,” “Nais kong makawala sa impluwensya ng kadiliman,” “Nais kong palugurin ang Diyos,” “Nais kong magpasakop sa Diyos,” “Nais kong maging tapat sa Diyos, at gawin nang maayos ang aking tungkulin,” at iba pa. Gayunman, gaano man katamis pakinggan ang iyong mga salita, gaano man karami ang teoryang maaaring alam mo, at gaano man kahanga-hanga o karangal ang teoryang iyon, ang totoo ay na marami na sa inyo ang natuto na kung paano gamitin ang mga regulasyon, doktrina, at teoryang napagdalubhasaan ninyo upang gumawa ng mga konklusyon tungkol sa Diyos, sa gayon ay likas ninyo Siyang ginagawang kakontra ninyo. Bagamat maaaring napagdalubhasaan mo na ang mga titik at mga doktrina, hindi ka pa talaga nakapasok sa realidad ng katotohanan, kaya napakahirap para sa iyo ang makalapit sa Diyos, makilala Siya, at maunawaan Siya. Lubhang nakakalungkot iyan!

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paano Malalaman ang Disposisyon ng Diyos at ang mga Resultang Makakamtan ng Kanyang Gawain

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 16

Ang Saloobin ng Diyos sa mga Tumatakas sa Panahon ng Kanyang Gawain

May ganitong mga tao kahit saan: Pagkatapos nilang makatiyak tungkol sa daan ng Diyos, sa iba-ibang dahilan, tahimik silang lumilisan, nang hindi nagpapaalam, humahayo at gumagawa ng anumang naisin ng kanilang puso. Samantala, hindi natin tatalakayin ang mga dahilan ng pag-alis ng mga taong ito; titingnan muna natin kung ano ang saloobin ng Diyos sa ganitong klaseng tao. Napakalinaw nito. Mula sa sandaling lumayo ang taong ito, sa paningin ng Diyos, tapos na ang maikling panahon ng kanilang pananampalataya. Hindi ang indibiduwal na tao ang tumapos nito, kundi ang Diyos. Ang ibig sabihin ng iniwan ng taong ito ang Diyos ay na itinakwil na nila ang Diyos, na ayaw na nila sa Kanya, at na hindi na nila tinatanggap ang pagliligtas ng Diyos. Yamang ayaw ng ganitong mga tao ang Diyos, gugustuhin pa rin ba Niya sila? Bukod pa riyan, kapag taglay ng mga taong ito ang ganitong uri ng saloobin, ang pananaw na ito, at nakapagpasya nang lisanin ang Diyos, napagalit na nila ang disposisyon ng Diyos. Ito ay sa kabila ng katotohanan na maaaring hindi sila nagwala at hindi nila isinumpa ang Diyos, sa kabila ng katunayan na maaaring hindi sila gumawa ng anumang nakasusuklam o labis na pag-uugali, at sa kabila ng katotohanan na iniisip ng mga taong ito na, “Kung dumating ang araw na napuno na ako ng kasiyahan sa labas, o kapag may kailangan pa rin ako sa Diyos, babalik ako. O kapag tinawag ako ng Diyos, babalik ako,” o sinasabi nilang, “Kapag nasasaktan ako sa labas, o kapag nakikita ko na napakadilim at napakasama ng mundo sa labas at ayaw ko nang magpatangay sa agos, babalik ako sa Diyos.” Kahit nakalkula na ng mga taong ito sa kanilang isipan kung kailan talaga sila babalik, at kahit nagsikap na silang iwanang bukas ang pinto para sa kanilang pagbalik, hindi nila natatanto na anuman ang kanilang pinaniniwalaan o paano man sila nagpaplano, lahat ng ito ay pangarap lamang. Ang pinakamalaki nilang pagkakamali ay ang pagiging malabo sa kanila kung ano ang nadarama ng Diyos tungkol sa kanilang hangarin. Sa mismong sandali na nagpasya silang lisanin ang Diyos, ganap Niya silang tatalikuran; sa oras na iyon, naipasya na Niya ang kahihinatnan ng gayong tao sa Kanyang puso. Anong kahihinatnan iyon? Iyon ay na ang taong ito ay magiging isa sa mga daga, at samakatuwid ay mamamatay na kasama ang mga ito. Sa gayon, madalas makita ng mga tao ang ganitong klaseng sitwasyon: Tinatalikuran ng isang tao ang Diyos, ngunit hindi tumatanggap ng kaparusahan. Kumikilos ang Diyos ayon sa Kanyang sariling mga prinsipyo; ang ilang bagay ay nakikita, samantalang ang iba ay tinatapos lamang sa puso ng Diyos, kaya hindi nakikita ng mga tao ang mga resulta. Ang bahaging nakikita ng mga tao ay hindi kinakailangang tunay na panig ng mga bagay-bagay, kundi ang kabilang panig na iyon—ang panig na hindi mo nakikita—ay talagang naglalaman ng taos na mga saloobin at konklusyon ng Diyos.

Ang mga Taong Tumatakas sa Panahon ng Gawain ng Diyos ay Yaong mga Tumalikod sa Tunay na Daan

Bakit binibigyan ng Diyos ng gayon kalubhang kaparusahan ang mga taong tumatakas sa panahon ng Kanyang gawain? Bakit Siya galit na galit sa kanila? Una sa lahat, alam natin na ang disposisyon ng Diyos ay pagiging maharlika at poot; hindi Siya isang tupa na kakatayin ninuman, lalong hindi Siya isang tau-tauhang kokontrolin ng mga tao kahit paano nila gusto. Hindi rin Siya isang hungkag na uutus-utusan. Kung talagang naniniwala ka na mayroong Diyos, dapat ay mayroon kang pusong may takot sa Diyos, at dapat mong malaman na ang Kanyang diwa ay hindi maaaring galitin. Ang galit na ito ay maaaring idulot ng isang salita, o marahil ay ng isang ideya, o marahil ay ng isang uri ng nakasusuklam na ugali, o marahil ay kahit ng isang uri ng banayad na ugali, o ugaling uubra sa mga mata at moralidad ng mga tao; o, marahil ay inudyok ito ng isang doktrina o isang teorya. Gayunman, kapag napagalit mo na ang Diyos, nawawala ang iyong pagkakataon, at dumating na ang katapusan ng mga araw mo. Grabeng bagay ito! Kung hindi mo maunawaan na hindi dapat magkasala sa Diyos, hindi ka siguro takot sa Kanya, at marahil ay palagi kang nagkakasala sa Kanya. Kung hindi mo alam kung paano matakot sa Diyos, hindi ka natatakot sa Diyos, at hindi mo malalaman kung paano tumahak sa landas ng paglakad sa daan ng Diyos—na may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan. Kapag nagkaroon ka na ng kamalayan, at alam mo na hindi dapat magkasala sa Diyos, malalaman mo kung ano ang magkaroon ng takot sa Diyos at umiwas sa kasamaan.

Ang paglalakad sa daan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan ay hindi kinakailangang tungkol sa dami ng katotohanang alam mo, ilang pagsubok na ang naranasan mo, o gaano ka nadisiplina. Sa halip, nakasalalay ito sa uri ng saloobin mo sa Diyos sa puso mo, at kung anong diwa ang ipinapahayag mo. Ang diwa ng mga tao at ang kanilang pansariling mga saloobin—ang mga ito ay napakahalaga, napaka-kritikal. Patungkol doon sa mga tao na itinakwil at iniwan na ang Diyos, pinagalit na ng kasuklam-suklam na saloobin nila sa Kanya at ng puso nilang namumuhi sa katotohanan ang Kanyang disposisyon, para sa Kanya, hindi sila patatawarin kailanman. Nalaman na nila ang tungkol sa pag-iral ng Diyos, naipaalam na sa kanila ang balita na dumating na Siya, at naranasan pa nila ang bagong gawain ng Diyos. Ang kanilang paglisan ay hindi dahil sa nalinlang o naguluhan sila, lalong hindi ito dahil napilitan silang umalis. Sa halip, sadya nilang pinili, at nang may malinaw na isipan, na lisanin ang Diyos. Ang kanilang paglisan ay hindi pagkaligaw sa kanilang landas, ni hindi sila itinakwil. Samakatuwid, sa paningin ng Diyos, hindi sila mga korderong napawalay sa kawan, lalong hindi sila mga alibughang anak na naligaw ng kanilang landas. Lumisan sila nang hindi napaparusahan—at ang gayong kondisyon, gayong sitwasyon, ay nagpapagalit sa disposisyon ng Diyos, at dahil sa pagkagalit na ito kaya Niya sila binibigyan ng walang pag-asang kahihinatnan. Hindi ba nakakatakot ang ganitong klaseng kahihinatnan? Samakatuwid, kung hindi kilala ng mga tao ang Diyos, maaari silang magkasala sa Kanya. Hindi ito maliit na bagay! Kung hindi sineseryoso ng mga tao ang saloobin ng Diyos, at naniniwala pa rin sila na inaasam Niya ang kanilang pagbabalik dahil kasama sila sa Kanyang nawawalang mga kordero at hinihintay pa rin Niyang magkaroon sila ng pagbabago ng puso, hindi sila nalalayo sa mga araw ng kanilang kaparusahan. Hindi lamang aayaw ang Diyos na tanggapin sila—dahil ito ang kanilang pangalawang pagkakataon na ginagalit nila ang Kanyang disposisyon, mas nakakatakot ang bagay na ito! Ang walang-pitagang saloobin ng mga taong ito ay lumabag na sa mga atas administratibo ng Diyos. Tatanggapin pa ba Niya sila? Sa Kanyang puso, ang mga prinsipyo ng Diyos tungkol sa bagay na ito ay na natiyak na ng isang tao kung alin ang tunay na daan, subalit kaya pa rin niyang sadya at malinaw ang isipan na tanggihan ang Diyos at lisanin ang Diyos, sa gayon ay haharangan Niya ang daan patungo sa kaligtasan ng taong iyon, at para sa indibiduwal na ito, sarado na ang pintuan papasok sa kaharian mula ngayon. Kapag minsan pang kumatok ang taong ito, hindi bubuksan ng Diyos ang pintuan; sasaraduhan na ang taong ito magpakailanman. Marahil ay nabasa na ng ilan sa inyo ang kuwento tungkol kay Moises sa Bibliya. Matapos pahiran ng Diyos ng langis si Moises, ipinahayag ng 250 pinuno ang kanilang pagsuway kay Moises dahil sa kanyang mga kilos at sa iba-iba pang mga dahilan. Kanino sila tumangging magpasakop? Hindi kay Moises. Tumanggi silang magpasakop sa mga plano ng Diyos; tumanggi silang magpasakop sa gawain ng Diyos sa isyung ito. Sinabi nila ang sumusunod: “Kayo’y kumukuha ng malabis sa inyo, dangang ang buong kapisanan ay banal, bawat isa sa kanila, at si Jehova ay nasa gitna nila.” Napakaseryoso ba ng mga salita at linyang ito, mula sa pananaw ng isang tao? Hindi seryoso ang mga ito. Kahit paano, ang literal na kahulugan ng mga salitang ito ay hindi seryoso. Sa legal na kahulugan, hindi lumalabag ang mga ito sa anumang mga batas, dahil sa tingin pa lamang, hindi ito pagalit na pananalita o bokabularyo, lalong wala itong anumang mapaglapastangang mga konotasyon. Karaniwang mga pahayag lamang ang mga ito, wala nang iba. Kung gayon, bakit maaaring magpasimula ng gayong pagkagalit ng Diyos ang mga salitang ito? Dahil hindi sinabi ang mga ito sa mga tao, kundi sa Diyos. Ang saloobin at disposisyong ipinahayag ng mga ito ang mismong nagpapagalit sa disposisyon ng Diyos, at nagkakasala sila sa disposisyon ng Diyos na hindi dapat pagkasalahan. Alam nating lahat kung ano ang kinahinatnan ng mga pinunong iyon sa huli. Tungkol sa mga taong tumalikod na sa Diyos, ano ang kanilang pananaw? Ano ang kanilang saloobin? At bakit naging sanhi ang kanilang pananaw at saloobin na pakitunguhan sila ng Diyos sa gayong paraan? Ang dahilan ay na bagamat malinaw nilang alam na Siya ang Diyos, pinili pa rin nilang pagtaksilan Siya, at ito ang dahilan kaya lubos silang inalisan ng kanilang mga pagkakataong maligtas. Tulad ng nakasulat sa Bibliya, “Sapagkat kung ating sinasadya ang pagkakasala pagkatapos na ating matanggap ang pagkakilala sa katotohanan, ay wala nang haing natitira pa tungkol sa mga kasalanan” (Mga Hebreo 10:26). Mayroon na ba kayo ngayong malinaw na pagkaunawa sa bagay na ito?

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paano Malalaman ang Disposisyon ng Diyos at ang mga Resultang Makakamtan ng Kanyang Gawain

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 17

Ang Kapalaran ng mga Tao ay Ipinapasya ng Kanilang Saloobin sa Diyos

Ang Diyos ay isang buhay na Diyos, at tulad ng mga tao na magkakaiba ang kilos sa iba’t ibang sitwasyon, nag-iiba ang Kanyang saloobin ukol sa mga pag-uugaling ito dahil hindi Siya isang tau-tauhan ni hindi Siya hungkag. Ang pag-alam sa saloobin ng Diyos ay isang makabuluhang hangarin para sa sangkatauhan. Dapat malaman ng mga tao, sa pamamagitan ng pag-alam sa saloobin ng Diyos, kung paano sila unti-unting magtatamo ng kaalaman tungkol sa disposisyon ng Diyos at mauunawaan ang Kanyang puso. Kapag unti-unti mong naunawaan ang puso ng Diyos, hindi mo madarama na mahirap magkaroon ng takot sa Diyos at umiwas sa kasamaan. Bukod pa riyan, kapag nauunawaan mo ang Diyos, malamang ay hindi ka gagawa ng mga konklusyon tungkol sa Kanya. Kapag tumigil ka na sa paggawa ng mga konklusyon tungkol sa Diyos, mas malamang na hindi ka magkasala sa Kanya, at hindi mo mamamalayan, gagabayan ka ng Diyos na magtamo ng kaalaman tungkol sa Kanya; pupuspusin nito ang puso mo ng pagpipitagan sa Kanya. Sa gayon ay titigil ka sa pagtukoy sa Diyos sa pamamagitan ng mga doktrina, titik, at teoryang saulado mo na. Sa halip, sa pamamagitan ng palaging paghahanap sa mga layunin ng Diyos sa lahat ng bagay, hindi mo mamamalayan na nagiging isa kang tao na kaayon ng puso ng Diyos.

Ang gawain ng Diyos ay hindi nakikita at hindi nagagalaw ng sangkatauhan, ngunit para sa Diyos, ang mga kilos ng bawat isang tao—pati na ang kanilang saloobin sa Kanya—ay hindi lamang nahihiwatigan ng Diyos, kundi nakikita rin Niya. Ito ay isang bagay na dapat tanggapin at malinawan ng lahat. Maaaring lagi mong itinatanong sa iyong sarili, “Alam ba ng Diyos kung ano ang ginagawa ko rito? Alam ba Niya kung ano ang iniisip ko ngayon mismo? Siguro ay alam Niya, at siguro ay hindi Niya alam.” Kung nag-aangkin ka ng ganitong uri ng pananaw, sumusunod at naniniwala sa Diyos subalit nagdududa sa Kanyang gawain at sa Kanyang pag-iral, sa malao’t madali ay darating ang araw na magagalit Siya sa iyo, sapagkat nakabingit ka na sa isang mapanganib na bangin. May nakita na Akong mga tao na naniwala sa Diyos sa loob ng maraming taon, subalit hindi pa rin nila natatamo ang realidad ng katotohanan, ni hindi pa rin nila naunawaan ang kalooban ng Diyos. Hindi umuunlad ang mga taong ito sa kanilang mga buhay at tayog, na sumusunod lamang sa pinakamabababaw na doktrina. Ito ay dahil hindi kailanman sineryoso ng mga taong ito ang salita ng Diyos bilang buhay nila mismo, at hindi pa nila kailanman nakaharap at natanggap ang Kanyang pag-iral. Sa palagay mo ba napupuspos ng kasiyahan ang Diyos kapag nakikita Niya ang gayong mga tao? Inaaliw ba nila Siya? Kung gayon, ang paraan ng paniniwala ng mga tao sa Diyos ang nagpapasya sa kanilang kapalaran. Tungkol sa kung paano hinahanap at nilalapitan ng mga tao ang Diyos, pangunahin ang kahalagahan ng saloobin ng mga tao. Huwag magpabaya sa Diyos na parang wala Siyang halaga sa likod ng iyong isipan; laging isipin ang Diyos na iyong pinaniniwalaan bilang isang buhay na Diyos, isang tunay na Diyos. Hindi Siya uupu-upo lamang doon sa ikatlong langit nang walang ginagawa. Sa halip, patuloy Siyang nakatingin sa puso ng lahat, inoobserbahan kung ano ang binabalak mo, pinanonood ang bawat maliit na salita at gawa mo, pinanonood kung paano ka kumilos at tinitingnan kung ano ang saloobin mo sa Kanya. Kung handa ka bang ibigay ang iyong sarili sa Diyos o hindi, lahat ng pag-uugali mo at kaibuturan ng iyong mga iniisip at ideya ay nalalantad sa Kanyang harapan at tinitingnan Niya. Dahil sa iyong pag-uugali, dahil sa iyong mga gawa, at dahil sa iyong saloobin sa Kanya, palaging nagbabago ang opinyon ng Diyos tungkol sa iyo at ang Kanyang saloobin sa iyo. Gusto Kong mag-alok ng kaunting payo sa ilang tao: Huwag ninyong ilagay ang inyong sarili na parang mga sanggol sa mga kamay ng Diyos, na parang dapat Siyang mahaling sa iyo, na parang hindi ka Niya kailanman maaaring iwanan, at na parang pirmihan ang Kanyang saloobin sa iyo at hindi na magbabago kailanman, at ipinapayo Ko sa iyo na tigilan na ang pangangarap! Ang Diyos ay matuwid sa pagtrato Niya sa bawat isang tao, at marubdob Niyang hinaharap ang gawain ng paglupig at pagliligtas sa mga tao. Ito ang Kanyang pamamahala. Tinatrato Niya nang seryoso ang bawat isang tao, at hindi kagaya ng isang alagang hayop na paglalaruan. Ang pagmamahal ng Diyos sa mga tao ay hindi ang klaseng nagpapalayaw o nagpapamihasa, ni hindi mapagbigay o pabaya ang Kanyang awa at pagpaparaya sa sangkatauhan. Bagkus, ang pagmamahal ng Diyos para sa sangkatauhan ay may kasamang pagtatangi, pagkaawa, at paggalang sa buhay; inihahatid ng Kanyang awa at pagpaparaya ang Kanyang mga inaasahan sa kanila, at ang siyang kailangan ng sangkatauhan upang patuloy na mabuhay. Ang Diyos ay buhay, at ang Diyos ay talagang umiiral; ang Kanyang saloobin sa sangkatauhan ay may prinsipyo, hindi man lamang sangkaterbang dogmatikong mga panuntunan, at maaari itong magbago. Ang Kanyang mga layunin para sa sangkatauhan ay unti-unting nagbabago at nag-iiba sa paglipas ng panahon, depende sa mga pangyayaring nagaganap, at pati na sa saloobin ng bawat isang tao. Samakatuwid, dapat mong malaman sa puso mo nang may tiyak na kalinawan na hindi nagbabago ang diwa ng Diyos, at na lalabas ang Kanyang disposisyon sa iba’t ibang panahon at sa iba’t ibang konteksto. Maaaring hindi mo iniisip na seryoso ang bagay na ito, at maaaring ginagamit mo ang sarili mong mga kuru-kuro upang wariin kung paano dapat gawin ng Diyos ang mga bagay-bagay. Gayunman, may mga pagkakataon na totoo ang ganap na kabaligtaran ng iyong pananaw, at sa paggamit ng sarili mong personal na mga kuru-kuro para tangkaing sukatin ang Diyos, napagalit mo na Siya. Ito ay dahil hindi kumikilos ang Diyos sa paraang iniisip mo na ginagawa Niya, ni hindi Niya ituturing ang bagay na ito na kagaya ng sinasabi mong gagawin Niya. Sa gayon, ipinapaalala Ko sa iyo na mag-ingat at maging mahinahon sa pagturing mo sa lahat ng bagay na nasa paligid mo, at pag-aralan kung paano sundin ang prinsipyo ng paglakad sa daan ng Diyos sa lahat ng bagay, ang pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan. Kailangan mong bumuo ng isang matibay na pagkaunawa hinggil sa mga bagay tungkol sa kalooban at saloobin ng Diyos, kailangan mong humanap ng mga taong nabigyang-liwanag na magpapaalam ng mga bagay na ito sa iyo, at kailangan mong maghanap nang seryoso. Huwag mong ituring ang Diyos na pinaniniwalaan mo na isang tau-tauhan—na hinuhusgahan Siya kung paano mo gusto, nagbubuo ng di-makatwirang mga konklusyon tungkol sa Kanya, at hindi Siya tinatrato nang may paggalang na nararapat sa Kanya. Samantalang inililigtas ka ng Diyos at ipinapasya ang iyong kahihinatnan, maaari ka Niyang pagkalooban ng awa, o pagpaparaya, o paghatol at pagkastigo, ngunit ano’t anuman, ang Kanyang saloobin sa iyo ay hindi pirmihan. Depende ito sa iyong sariling saloobin sa Kanya, gayundin sa iyong pagkaunawa sa Kanya. Huwag mong tulutan ang isang lumilipas na aspeto ng iyong kaalaman o pagkaunawa sa Diyos na ilarawan Siya nang panghabambuhay. Huwag maniwala sa isang patay na Diyos; maniwala sa Isang nabubuhay. Tandaan mo ito! Bagamat natalakay Ko ang ilang katotohanan dito—mga katotohanang kailangan ninyong marinig—dahil sa inyong kasalukuyang kalagayan at kasalukuyang tayog, hindi Ako gagawa ng anumang mas malalaking hinihingi sa inyo sa ngayon, upang hindi masaid ang inyong kasigasigan. Ang paggawa nito ay maaaring puspusin ang inyong puso ng labis na kalungkutan at ipadama sa inyo ang labis na pagkabigo sa Diyos. Sa halip, sana ay magamit ninyo ang pagmamahal sa Diyos na nasa inyong puso at magamit ninyo ang isang saloobing may paggalang sa Diyos habang naglalakad kayo sa landas na nasa inyong harapan. Huwag maguluhan tungkol sa kung paano maniwala sa Diyos; ituring itong isa sa pinakamalalaking isyung mayroon. Ilagay ito sa inyong puso, isagawa ito, at iugnay ito sa tunay na pamumuhay; huwag lamang basta sabihin ito—sapagkat buhay at kamatayan ang nakataya rito, at siyang magpapasya sa iyong tadhana. Huwag itong ituring na parang isang biro o larong pambata! Matapos Kong ibahagi sa inyo ang mga salitang ito ngayon, iniisip Ko kung gaano ang naani ninyong pagkaunawa sa inyong isipan. Mayroon bang anumang mga bagay kayong nais itanong tungkol sa nasabi Ko rito ngayon?

Bagamat medyo bago ang mga paksang ito, at medyo malayo sa inyong mga pananaw, sa inyong mga karaniwang hangarin, at sa hilig ninyong pagtuunan ng pansin, palagay Ko kapag napagbahaginan na ninyo ang mga ito sa loob ng ilang sandali, magkakaroon kayo ng isang karaniwang pagkaunawa sa lahat ng bagay na nasabi Ko rito. Bagung-bago ang lahat ng paksang ito, at hindi pa ninyo kailanman naisip noon, kaya umaasa Ako na hindi makaragdag ang mga ito sa inyong pasanin sa anumang paraan. Hindi Ko sinasabi ang mga salitang ito ngayon para takutin kayo, ni hindi Ko ginagamit ang mga ito bilang isang paraan para pakitunguhan kayo; sa halip, ang Aking layon ay ipaunawa sa inyo ang totoong mga pangyayari tungkol sa katotohanan. Dahil may kaibhan sa pagitan ng sangkatauhan at ng Diyos, bagamat naniniwala ang mga tao sa Diyos, hindi nila Siya naunawaan kailanman o nalaman ang Kanyang saloobin. Hindi rin naging napakasigasig ng mga tao kailanman sa kanilang alalahanin para sa saloobin ng Diyos. Sa halip, naniwala sila at nagpatuloy nang pikit-mata, at naging pabaya sa kanilang kaalaman at pagkaunawa tungkol sa Diyos. Sa gayon ay napilitan Akong liwanagin ang mga isyung ito para sa inyo, at ipaunawa sa inyo kung anong klase talaga ng Diyos ang Diyos na ito na inyong pinaniniwalaan, gayundin kung ano ang Kanyang iniisip, ang Kanyang saloobin sa Kanyang pagtrato sa iba-ibang uri ng mga tao, gaano kayo kalayo sa pagtupad sa Kanyang mga hinihingi, at gaano kalaki ang pagkakaiba sa pagitan ng inyong mga kilos at ng pamantayang Kanyang hinihingi. Ang mithiin sa pagpapaalam sa inyo ng mga bagay na ito ay upang bigyan kayo ng isang pamantayan sa pagsukat sa inyong sarili, at upang malaman ninyo kung anong klase ng pag-ani ang kahahantungan ng daan na inyong tinatahak, kung ano ang hindi ninyo natamo sa pagtahak sa landas na ito, at saang mga lugar kayo talaga hindi nakibahagi. Habang nag-uusap-usap kayo, karaniwan ay pinag-uusapan ninyo ang ilang paksang karaniwang tinatalakay na napakakitid ng saklaw at mababaw ang nilalaman. May agwat, may puwang, sa pagitan ng tinatalakay ninyo at ng mga layunin ng Diyos, gayundin sa pagitan ng inyong mga talakayan at ng saklaw at pamantayan ng mga hinihingi ng Diyos. Ang pagpapatuloy nang ganito sa paglipas ng panahon ay mas maglalayo pa sa inyo sa daan ng Diyos. Kinukuha lamang ninyo ang kasalukuyang mga pagbigkas ng Diyos at ginagawang mga pakay ng pagsamba ang mga ito, at itinuturing ang mga ito na mga ritwal at regulasyon. Iyan lamang ang inyong ginagawa! Sa totoo lang, wala talagang lugar ang Diyos sa inyong puso, at hindi Niya kailanman natamo ang inyong puso. Iniisip ng ilang tao na napakahirap kilalanin ng Diyos, at ito ang katotohanan. Mahirap ito. Kung ipagawa sa mga tao ang kanilang mga tungkulin at ginagawa nila ang mga bagay-bagay sa panlabas, at nagsusumikap sila, iisipin nila na napakadaling maniwala sa Diyos, dahil lahat ng bagay na iyon ay saklaw ng kakayahan ng tao. Gayunman, sa sandaling lumipat ang paksa sa mga layunin ng Diyos at sa Kanyang saloobin sa sangkatauhan, sa pananaw ng lahat, medyo humihirap nga ang mga bagay-bagay. Ito ay dahil kailangan dito ang pang-unawa ng mga tao sa katotohanan at ang pagpasok nila sa realidad, kaya siyempre magkakaroon ng isang antas ng paghihirap! Magkagayunman, kapag nakalagpas ka na sa unang pinto at nagsimula ka nang magkaroon ng pagpasok, ang mga bagay ay unti-unting dumadali.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paano Malalaman ang Disposisyon ng Diyos at ang mga Resultang Makakamtan ng Kanyang Gawain

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 18

Ang Panimula ng Pagkakaroon ng Takot sa Diyos ay Pagtrato sa Kanya Bilang Diyos

Kani-kanina lamang, mayroong nagtanong: Paano nangyari na kahit mas marami tayong alam tungkol sa Diyos kaysa kay Job, hindi pa rin tayo makapagpitagan sa Kanya? Natalakay na natin nang kaunti ang bagay na ito dati. Natalakay na rin natin talaga ang diwa ng tanong na ito noon, na totoo na bagamat hindi kilala ni Job ang Diyos noon, tinrato pa rin niya Siya bilang Diyos at itinuring Siya bilang Panginoon ng kalangitan at lupa at lahat ng bagay. Hindi itinuring ni Job ang Diyos na isang kaaway; sa halip, sinamba niya Siya bilang Lumikha ng lahat ng bagay. Bakit matindi ang paglaban ng mga tao sa Diyos sa mga panahong ito? Bakit hindi nila nagagawang magpitagan sa Kanya? Ang isang dahilan ay lubha na silang nagawang tiwali ni Satanas, at sa gayong malalim na nakaugat at napakasamang likas na pagkatao, naging mga kaaway na sila ng Diyos. Sa gayon, kahit naniniwala sila sa Diyos at kinikilala nila ang Diyos, nagagawa pa rin nilang labanan Siya at kontrahin Siya. Ito ay ipinapasya ng likas na pagkatao ng tao. Ang isa pang dahilan ay na sa kabila ng kanilang paniniwala sa Diyos, hindi talaga Siya itinuturing ng mga tao bilang Diyos. Sa halip, itinuturing nila Siyang laban sa sangkatauhan, itinuturing Siyang kanilang kaaway, at pakiramdam nila ay hindi sila magkakasundo ng Diyos. Ganoon lang iyon kasimple. Hindi ba natalakay ang bagay na ito sa ating nakaraang sesyon? Pag-isipan ito: Hindi ba iyan ang dahilan? Maaaring mayroon kang kaunting kaalaman tungkol sa Diyos, ngunit ano ba ang kasama sa kaalamang ito? Hindi ba ito ang pinag-uusapan ng lahat? Hindi ba ito ang sinabi ng Diyos sa iyo? Pamilyar ka lamang sa teoretikal at doktrinal na mga aspeto nito—ngunit nalugod ka na ba sa tunay na mukha ng Diyos? Mayroon ka bang pansariling kaalaman? Mayroon ka bang praktikal na kaalaman at karanasan? Kung hindi pa nasabi sa iyo ng Diyos, malalaman mo ba iyon? Ang iyong teoretikal na kaalaman ay hindi kumakatawan sa tunay na kaalaman. Sa madaling salita, gaano man karami ang alam mo at paano mo man nalaman iyon, hangga’t hindi ka nagtatamo ng tunay na pagkaunawa sa Diyos, magiging kaaway mo Siya, at hangga’t hindi mo talaga sinisimulang tratuhing Diyos ang Diyos, kokontrahin ka Niya, sapagkat ikaw ay isang sagisag ni Satanas.

Kapag kasama mo si Cristo, marahil ay maaari mo Siyang silbihan ng pagkain tatlong beses sa isang araw, o marahil ay silbihan Siya ng tsaa at asikasuhin ang Kanyang mga pangangailangan sa buhay; magmumukhang natrato mo na si Cristo bilang Diyos. Tuwing may nangyayari, palaging sumasalungat ang mga pananaw ng mga tao sa Diyos; laging hindi maunawaan at matanggap ng mga tao ang pananaw ng Diyos. Bagamat sa tingin ay maaaring kasundo ng mga tao ang Diyos, hindi ito nangangahulugan na kasundo nila Siya. Sa sandaling may mangyari, lumilitaw ang tunay na mukha ng pagsuway ng sangkatauhan, sa gayon ay napapatibay ang alitang umiiral sa pagitan ng mga tao at ng Diyos. Ang alitang ito ay hindi ang pagkontra ng Diyos sa mga tao o ang pagnanais ng Diyos na awayin sila, ni hindi Niya sila kinokontra at pagkatapos ay tinatrato silang ganoon. Sa halip, ito ay isang kaso ng salungat na diwang ito ukol sa Diyos na nakatago sa pansariling kalooban ng mga tao at sa likod ng kanilang isipan. Dahil itinuturing ng mga tao ang lahat ng nagmumula sa Diyos bilang mga pakay ng kanilang pagsasaliksik, ang kanilang tugon sa anumang nagmumula sa Diyos at sa lahat ng nauugnay sa Diyos, higit sa lahat, ay manghula, magduda, at pagkatapos ay agad magkaroon ng isang saloobin na salungat at kontra sa Diyos. Maya-maya pa, nagkakaroon sila ng negatibong pakiramdam sa mga pagtatalo o nakikipagtunggali sila sa Diyos, hanggang sa punto kung saan pinagdududahan pa nila kung nararapat nga bang sundin ang isang Diyos na ganoon. Sa kabila ng katotohanan na sinasabi sa kanila ng kanilang pagkamakatwiran na hindi sila dapat magpatuloy sa ganitong paraan, pipiliin pa rin nilang gawin iyon kahit ayaw nila, kaya magpapatuloy sila nang walang pag-aatubili hanggang sa pinakahuli. Halimbawa, ano ang unang reaksyon ng ilang tao kapag naririnig nila ang ilang tsismis o paninirang-puri tungkol sa Diyos? Ang una nilang reaksyon ay ang mag-isip kung totoo ang tsismis na ito o hindi at kung umiiral ang mga tsismis na ito o hindi, at pagkatapos ay hinihintay nila kung ano ang mangyayari. Pagkatapos ay nagsisimula silang mag-isip, “Walang paraan para mapatunayan ito. Talaga bang nangyari iyon? Totoo ba ang tsismis na ito o hindi?” Bagamat hindi ito ipinapakita ng mga taong ganito, nagsimula na silang magduda sa kanilang puso, at nagsimula nang ikaila ang Diyos. Ano ang diwa ng ganitong klaseng saloobin at ng gayong pananaw? Hindi ba ito pagkakanulo? Hangga’t hindi sila nahaharap sa bagay na ito, hindi mo makikita ang mga pananaw ng mga taong ito; tila hindi sila sumasalungat sa Diyos, at parang hindi nila Siya itinuturing na kaaway. Gayunman, sa sandaling maharap sila sa isang problema, agad silang kumakampi kay Satanas at lumalaban sa Diyos. Ano ang ipinahihiwatig nito? Ipinahihiwatig nito na magkasalungat ang mga tao at ang Diyos! Hindi naman sa itinuturing ng Diyos ang sangkatauhan bilang kaaway, kundi ang mismong diwa ng sangkatauhan ang salungat sa Diyos. Gaano man katagal nang nakasunod ang isang tao sa Kanya o gaano man kalaki ang halagang ibinayad nila, at paano man nila pinupuri ang Diyos, paano man nila pigilan ang kanilang sarili sa pagsuway sa Kanya, at gaano pa man nila hinihimok ang kanilang sarili na mahalin ang Diyos, hindi nila kailanman magagawang tratuhin ang Diyos bilang Diyos. Hindi ba ito ipinapasya ng diwa ng mga tao? Kung tinatrato mo Siya bilang Diyos at tunay kang naniniwala na Siya ay Diyos, maaari ka pa rin bang magkaroon ng anumang mga pagdududa sa Kanya? Maaari ka pa rin bang magkimkim ng anumang mga pagdududa tungkol sa Kanya sa puso mo? Hindi na maaari, hindi ba? Ang mga kalakaran ng mundong ito ay napakasama, at ang sangkatauhan ding ito; kaya, paano ka hindi magkakaroon ng anumang mga kuru-kuro tungkol sa mga ito? Ikaw mismo ay napakasama, kaya paano nangyari na wala kang mga kuru-kuro tungkol diyan? Gayunman, sa ilang tsismis lamang at ilang paninirang-puri ay maaaring magpasimula ng gayon kalalaking kuru-kuro tungkol sa Diyos, at humahantong sa iyong pagkakaroon ng napakaraming imahinasyon, na nagpapakita kung gaano kamusmos ang iyong tayog! Ang “paghugong” lamang ng ilang lamok at ilang nakakainis na mga langaw—sapat na ba iyan para malinlang ka? Anong klaseng tao ito? Alam mo ba kung ano ang iniisip ng Diyos tungkol sa gayong mga tao? Ang saloobin ng Diyos ay talagang napakalinaw hinggil sa kung paano Niya sila tinatrato. Iyon ay na ang pagtrato ng Diyos sa mga taong ito ay ang balewalain lamang sila—ang Kanyang saloobin ay huwag silang pansinin, at huwag seryosohin ang mangmang na mga taong ito. Bakit ganoon? Ito ay dahil sa puso ng Diyos, hindi Niya kailanman binalak na tamuhin ang mga taong iyon na nangakong maging kagalit Niya hanggang sa pinakahuli at hindi kailanman nagbalak na hanapin ang daan ng pagiging kaayon Niya. Marahil ay maaaring masaktan ang ilang tao sa mga salitang nasambit Ko. Handa ba kayo na lagi Ko kayong saktan nang ganito? Handa man kayo o hindi, lahat ng sinasabi Ko ay ang katotohanan! Kung lagi Ko kayong sinasaktan at inilalantad ang inyong mga pilat nang ganito, makakaapekto ba ito sa matayog na larawan ng Diyos na inyong kimkim sa puso ninyo? (Hindi.) Sang-ayon Ako na hindi, sapagkat wala talagang Diyos sa puso ninyo. Ang matayog na Diyos na nasa puso ninyo—yaong masidhi ninyong ipinagtatanggol at pinoprotektahan—ay hindi talaga Diyos. Sa halip, siya ay isang kathang-isip ng imahinasyon ng tao; hindi talaga siya umiiral. Samakatuwid, mas mabuti pang ilantad Ko ang sagot sa bugtong na ito; hindi ba nito inilalantad ang buong katotohanan? Ang tunay na Diyos ay hindi ang iniisip ng mga tao. Sana ay matanggap ninyong lahat ang realidad na ito, at makatulong ito sa inyong kaalaman tungkol sa Diyos.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paano Malalaman ang Disposisyon ng Diyos at ang mga Resultang Makakamtan ng Kanyang Gawain

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 19

Ang mga Taong Iyon na Hindi Kinikilala ng Diyos

Mayroong ilang tao na ang paniniwala ay hindi kailanman kinikilala sa puso ng Diyos. Sa madaling salita, hindi kinikilala ng Diyos na mga tagasunod Niya sila, dahil hindi Niya pinupuri ang kanilang paniniwala. Para sa mga taong ito, ilang taon man nila nasunod ang Diyos, hindi kailanman nagbago ang kanilang mga ideya at pananaw; para silang mga hindi mananampalataya, sumusunod sa mga prinsipyo at paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay ng mga hindi mananampalataya at sa mga batas ng pananatiling buhay at pananampalataya. Hindi nila kailanman tinanggap ang salita ng Diyos bilang kanilang buhay, hindi kailanman naniwala na ang salita ng Diyos ay katotohanan, hindi kailanman nilayon na tanggapin ang pagliligtas ng Diyos, at hindi kailanman kinilala ang Diyos bilang kanilang Diyos. Ang tingin nila sa paniniwala sa Diyos ay libangan ng baguhan, na tinatrato Siya bilang isang espirituwal na pagkain lamang; sa gayon, hindi nila iniisip na mahalagang subukan at unawain ang disposisyon o diwa ng Diyos. Masasabi na lahat ng tumutugma sa tunay na Diyos ay walang kinalaman sa mga taong ito; hindi sila interesado, ni hindi sila mag-aabalang makinig. Ito ay dahil sa kaibuturan ng kanilang puso, mayroong isang malakas na tinig na laging nagsasabi sa kanila, “Ang Diyos ay hindi nakikita at hindi nahihipo, at hindi umiiral.” Naniniwala sila na ang pagsisikap na unawain ang ganitong uri ng Diyos ay pagsasayang ng kanilang pagsisikap, at na niloloko lamang nila ang kanilang sarili sa paggawa nito. Naniniwala sila na sa pamamagitan lamang ng pagkilala sa Diyos sa mga salita nang walang anumang tunay na paninindigan o pamumuhunan ng kanilang sarili sa anumang tunay na mga kilos, medyo matalino sila. Ano ang tingin ng Diyos sa gayong mga tao? Ang tingin Niya sa kanila ay mga hindi mananampalataya. Tinatanong ng ilang tao, “Maaari bang basahin ng mga hindi mananampalataya ang mga salita ng Diyos? Maaari ba nilang tuparin ang kanilang mga tungkulin? Maaari ba nilang sambitin ang mga salitang, ‘Mabubuhay ako para sa Diyos’?” Ang madalas makita ng mga tao ay ang pagkukunwaring ipinapakita ng mga tao sa panlabas; hindi nila nakikita ang diwa ng mga tao. Gayunman, hindi tinitingnan ng Diyos ang mga paimbabaw na mga pagpapakitang ito; ang tanging nakikita Niya ay ang diwa sa kanilang kalooban. Sa gayon, ito ang klase ng saloobin at paglalarawan ng Diyos sa mga taong ito. Sinasabi ng mga taong ito, “Bakit ito ginagawa ng Diyos? Bakit iyon ginagawa ng Diyos? Hindi ko ito maunawaan; hindi ko iyon maunawaan; hindi ito naaayon sa mga kuru-kuro ng tao; kailangan Mong ipaliwanag iyan sa akin….” Para sagutin ito, ang tanong Ko: Kailangan ba talagang ipaliwanag ang mga bagay na ito sa iyo? May kaugnayan ba talaga ang mga bagay na ito sa iyo? Sino ka ba sa tingin mo? Saan ka nanggaling? Karapat-dapat ka ba talagang magbigay ng mga punto sa Diyos? Naniniwala ka ba sa Kanya? Kinikilala ba Niya ang iyong pananampalataya? Yamang walang kinalaman sa Diyos ang iyong pananampalataya, ano ang pakialam mo sa Kanyang mga ginagawa? Hindi mo alam kung ano ang katayuan mo sa puso ng Diyos, kaya paano ka magiging karapat-dapat na makipag-usap sa Kanya?

Mga Salita ng Payo

Hindi ba kayo nababalisa matapos ninyong marinig ang mga pahayag na ito? Bagamat maaaring ayaw ninyong makinig sa mga ito o ayaw ninyong tanggapin ang mga ito, totoo ang lahat ng ito. Dahil ang yugtong ito ng gawain ay isasagawa ng Diyos, kung wala kang pakialam sa Kanyang mga layunin, wala kang pakialam tungkol sa Kanyang saloobin, at hindi mo nauunawaan ang Kanyang diwa at disposisyon, sa huli, ikaw ang matatalo. Huwag sisihin ang Aking mga salita na mahirap dinggin, at huwag sisihin ang mga ito sa pagkawala ng inyong kasigasigan. Sinasabi Ko ang katotohanan; hindi Ko layunin na pahinain ang loob ninyo. Anuman ang hingin Ko sa inyo, at paano man ninyo kinakailangang gawin ito, sana ay tumatahak kayo sa tamang landas at sumusunod sa daan ng Diyos, at hindi kayo lumilihis mula sa tamang landas kailanman. Kung hindi ka magpapatuloy alinsunod sa salita ng Diyos o sumusunod sa Kanyang daan, walang duda na naghihimagsik ka laban sa Diyos at lumihis ka na sa tamang landas. Sa gayon, palagay Ko ay may ilang bagay Akong kailangang linawin para sa inyo, at na kailangan Ko kayong paniwalain nang ganap, malinaw, at walang bahid ng kawalang-katiyakan, at ipaunawa sa inyo nang malinaw ang saloobin ng Diyos, ang Kanyang mga layunin, paano Niya ginagawang perpekto ang mga tao, at sa anong paraan Niya ipinapasya ang kahihinatnan ng mga tao. Kung sakaling dumating ang araw na hindi mo magawang tumahak sa landas na ito, wala Akong pananagutan, sapagkat naipahayag na sa iyo nang napakalinaw ang mga salitang ito. Patungkol sa kung paano mo pakikitunguhan ang sarili mong kahihinatnan, ito ay isang bagay na lubos na nakasalalay sa iyo. Hinggil sa kahihinatnan ng iba-ibang uri ng mga tao, may iba’t ibang saloobin ang Diyos, mayroon Siyang sarili Niyang mga paraan sa pagtimbang sa kanila, pati na sarili Niyang pamantayan ng mga kinakailangan sa kanila. Ang Kanyang pamantayan sa pagtimbang sa kahihinatnan ng mga tao ay makatarungan para sa lahat—walang duda iyan! Samakatuwid, hindi kailangang matakot ang ilang tao. Naginhawahan na ba kayo ngayon?

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paano Malalaman ang Disposisyon ng Diyos at ang mga Resultang Makakamtan ng Kanyang Gawain

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 20

Sa katunayan, ang disposisyon ng Diyos ay lantad sa lahat at hindi nakatago, dahil hindi kailanman sinadyang umiwas ng Diyos sa sinumang tao at hindi Niya kailanman sinadyang hangarin na itago ang Sarili Niya upang hindi Siya makilala o maunawaan ng mga tao. Ang disposisyon ng Diyos ay palaging bukas at palaging nakaharap sa bawat tao sa isang lantad na paraan. Sa pamamahala ng Diyos, ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain nang nakaharap sa lahat, at ginagawa Niya sa bawat tao ang Kanyang gawain. Sa paggawa Niya ng gawaing ito, patuloy Niyang ibinubunyag ang Kanyang disposisyon at patuloy Niyang ginagamit ang Kanyang diwa, kung anong mayroon at kung ano Siya, upang gabayan at tustusan ang bawat tao. Sa bawat panahon at sa bawat yugto, maganda man o pangit ang mga kalagayan, ang disposisyon ng Diyos ay laging lantad sa bawat indibidwal, at kung ano ang mayroon at kung ano Siya ay laging lantad sa bawat indibidwal, sa parehong paraan na ang Kanyang buhay ay palagi at walang-patid na naglalaan at sumusuporta sa sangkatauhan. Sa kabila ng lahat ng ito, ang disposisyon ng Diyos ay nananatiling nakatago para sa ilan. Bakit? Dahil bagama’t nabubuhay ang mga taong ito sa loob ng gawain ng Diyos at sumusunod sila sa Diyos, hindi nila kailanman pinagsikapang unawain o ginustong makilala ang Diyos, at mas lalo na ang mapalapit sa Diyos. Para sa mga taong ito, ang pagkaunawa sa disposisyon ng Diyos ay nangangahulugang malapit na ang kanilang katapusan; nangangahulugan ito na malapit na silang hatulan at mapatunayang may sala sa pamamagitan ng disposisyon ng Diyos. Dahil dito, hindi kailanman ginusto ng mga taong ito na unawain ang Diyos o ang Kanyang disposisyon, at hindi nila sinikap na matamo ang mas malalim na pagkaunawa o kaalaman tungkol sa kalooban ng Diyos. Hindi nila nilalayong maintindihan ang kalooban ng Diyos sa pamamagitan ng sinadyang pakikipagtulungan—habang-panahon lang sila na nagpapakasaya at hindi nagsasawa sa paggawa ng mga bagay na gusto nila; nananampalataya sa Diyos na nais nilang panampalatayanan; nananampalataya sa Diyos na umiiral lamang sa kanilang mga imahinasyon, ang Diyos na umiiral lamang sa kanilang mga kuru-kuro; at nananampalataya sa isang Diyos na hindi maihihiwalay sa kanila sa araw-araw nilang pamumuhay. Pagdating sa tunay na Diyos Mismo, ganap silang umiiwas, walang pagnanais na maunawaan Siya o makinig sa Kanya, at mas lalo nang kakaunti ang layunin nila na mapalapit sa Kanya. Ginagamit lang nila ang mga salitang ipinahahayag ng Diyos upang pagandahin ang sarili nilang anyo, upang pabanguhin ang kanilang mga sarili. Para sa kanila, iyon na ang pagiging matatagumpay na mananampalataya at mga taong may pananampalataya sa Diyos sa kanilang mga puso. Sa kanilang mga puso, ginagabayan sila ng kanilang mga imahinasyon, ng kanilang mga kuru-kuro, at maging ng kanilang mga personal na pakahulugan sa Diyos. Sa kabilang banda, ang tunay na Diyos Mismo ay lubos na walang kaugnayan sa kanila. Dahil sa sandaling maunawaan nila ang tunay na Diyos Mismo, ang tunay na disposisyon ng Diyos, at kung anong mayroon at kung ano ang Diyos, nangangahulugan ito na parurusahan ang kanilang mga gawa, ang kanilang mga pananampalataya, at ang kanilang mga pinagkakaabalahan. Iyan ang dahilan kung bakit ayaw na ayaw nilang unawain ang diwa ng Diyos, at kung bakit ayaw nila at nag-aatubuli silang maging aktibo sa pagsasaliksik o pananalangin upang mas maunawaan ang Diyos, mas malaman ang kalooban ng Diyos, at mas maunawaan ang disposisyon ng Diyos. Mas gugustuhin pa nila na ang Diyos ay kathang-isip lamang, isang bagay na hungkag at malabo. Mas nanaisin pa nila na ang Diyos ay maging ganap na gaya ng nasa imahinasyon nila, isang Diyos na sunud-sunuran sa kanila, di-nauubos ang panustos at laging nariyan. Kapag nais nilang tamasahin ang biyaya ng Diyos, hinihiling nila sa Diyos na maging Siya ang biyayang iyon. Kapag kailangan nila ang pagpapala ng Diyos, hinihiling nila sa Diyos na maging Siya ang pagpapalang iyon. Kapag humaharap sila sa kahirapan, hinihiling nila sa Diyos na palakasin ang kanilang loob, na maging tagasalo nila. Ang kaalaman ng mga taong ito tungkol sa Diyos ay nananatili sa nasasaklawan ng biyaya at pagpapala. Ang pagkaunawa nila sa gawain ng Diyos, disposisyon ng Diyos, at sa Diyos Mismo ay nalilimitahan din lamang ng kanilang mga imahinasyon at ng mga titik at doktrina. Ngunit may ilang taong sabik na maunawaan ang disposisyon ng Diyos, nagnanais na tunay na makita ang Diyos Mismo, at tunay na maunawaan ang disposisyon ng Diyos at kung ano ang mayroon at kung ano Siya. Ang mga taong ito ay nagpupursiging mahanap ang realidad ng katotohanan at kaligtasan ng Diyos, at nagnanais na matanggap ang paglupig, pagliligtas, at pagpeperpekto ng Diyos. Ginagamit nila ang kanilang mga puso upang basahin ang salita ng Diyos, ginagamit ang kanilang mga puso upang pahalagahan ang bawat kalagayan at bawat tao, pangyayari, o bagay na isinaayos ng Diyos para sa kanila, at nananalangin at nagsasaliksik sila nang may katapatan. Ang nais nila higit sa lahat ay ang malaman ang kalooban ng Diyos at maunawaan ang tunay na disposisyon at diwa ng Diyos, upang hindi na sila magkasala sa Diyos, at sa pamamagitan ng kanilang mga karanasan ay mas makita pa nila ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos at ang tunay Niyang Sarili. Ito rin ay upang umiral ang talagang tunay na Diyos sa kanilang mga puso, at upang magkaroon ang Diyos ng lugar sa kanilang mga puso, sa paraang hindi na sila mabubuhay sa mga imahinasyon, kuru-kuro, o kalabuan. Para sa mga taong ito, ang dahilan kung bakit mayroon silang matinding kagustuhan na maunawaan ang disposisyon ng Diyos at ang Kanyang diwa ay dahil ang disposisyon at diwa ng Diyos ay mga bagay na kailangan ng sangkatauhan sa bawat sandali ng kanilang mga karanasan; ang Kanyang disposition at diwa ang tumutustos ng buhay sa buong buhay ng tao. Sa sandaling maunawaan nila ang disposisyon ng Diyos, magagawa nilang mas mahusay na igalang ang Diyos, mas mahusay na makipagtulungan sa gawain ng Diyos, at mas isaalang-alang ang kalooban ng Diyos at tuparin ang kanilang tungkulin sa abot ng kanilang mga kakayahan. Ganito ang mga saloobin sa disposisyon ng Diyos ng dalawang uri ng tao. Ang unang uri ay ayaw maunawaan ang disposisyon ng Diyos. Kahit pa sabihin nilang nais nilang maunawaan ang disposisyon ng Diyos, makilala ang Diyos Mismo, makita kung anong mayroon at kung ano ang Diyos, at talagang pahalagahan ang kalooban ng Diyos, sa kaibuturan ng kanilang mga kalooban mas gugustuhin nilang wala na lang Diyos. Ito ay dahil palaging sumusuway at lumalaban sa Diyos ang ganitong uri ng mga tao; nilalabanan nila ang Diyos para sa puwesto sa sarili nilang mga puso at madalas ay nagdududa o itinatanggi pa na mayroong Diyos. Ayaw nilang hayaang manahan sa kanilang mga puso ang disposisyon ng Diyos o ang Diyos Mismo. Nais lang nilang bigyang-kasiyahan ang sarili nilang mga kagustuhan, mga imahinasyon, at mga ambisyon. Kaya ang mga taong ito ay maaaring nananampalataya sa Diyos, sumusunod sa Diyos, at maaari ring isinasakripisyo ang kanilang mga pamilya at hanapbuhay para sa Kanya, ngunit hindi sila humihinto sa kanilang masasamang nakagawian. Ang iba pa nga ay nagnanakaw o nagwawaldas ng mga handog, o isinusumpa ang Diyos nang palihim, samantalang maaaring ginagamit ng iba ang kanilang mga katungkulan upang paulit-ulit na magpatotoo tungkol sa kanilang mga sarili, labis na itaas ang kanilang mga sarili, at makipag-agawan sa Diyos para sa mga tao at katungkulan. Gumagamit sila ng sari-saring paraan at hakbang para sambahin sila ng mga tao, palaging sinusubukang makuha ang mga tao at kontrolin sila. Ang mga iba nga ay sinasadya pang ilihis ang mga tao para isiping sila ay Diyos upang maaari silang tratuhing parang Diyos. Hinding-hindi nila sasabihin sa mga tao na sila ay naging tiwali na—na sila rin ay tiwali at mayabang, na huwag silang sambahin, na ga’no man kahusay ang ginagawa nila, ito ay dahil lamang sa pagtataas ng Diyos at ginagawa lamang nila ang dapat nilang gawin. Bakit hindi nila sinasabi ang mga bagay na ito? Dahil lubha silang natatakot na mawala ang kanilang lugar sa puso ng mga tao. Ito ang dahilan kung bakit ang mga taong tulad nila ay hindi kailanman dumakila sa Diyos at hindi kailanman sumaksi tungkol sa Diyos, katulad ng hindi kailanman nila pagsubok na unawain ang Diyos. Maaari ba nilang makilala ang Diyos nang hindi Siya nauunawaan? Imposible! Samakatwid, bagama’t maaaring simple ang mga salita sa paksang “Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo,” ang kahulugan ng mga ito ay hindi pare-pareho para sa bawat tao. Para sa isang taong madalas na sumuway sa Diyos, lumalaban sa Diyos, at masama ang pakikitungo sa Diyos, ang mga salitang ito ay nangangahulugang pagpaparusa; samantalang ang isang tao na naghahangad ng realidad ng katotohanan at madalas na lumalapit sa Diyos upang hanapin ang kalooban ng Diyos ay tatanggapin ang ganitong mga salita na parang isdang pinakawalan sa tubig. Mayroon sa inyo na kapag nakarinig ng usaping tungkol sa disposisyon ng Diyos at gawain ng Diyos ay nagsisimulang sumakit ang ulo, napupuno ng panlalaban ang kanilang mga puso, at sila ay nagiging napakabalisa. Ngunit may mga iba sa inyo na nararamdamang ang paksang ito ang ganap na kailangan nila, dahil lubha itong kapaki-pakinabang sa kanila. Isa itong bagay na hindi maaaring mawala sa kanilang karanasan sa buhay; ito ang pinakamahalaga sa pinakamahalaga, ang pundasyon ng pananampalataya sa Diyos, at isang bagay na hindi maaaring talikuran ng sangkatauhan. Para sa inyong lahat, ang paksang ito ay maaaring tila ba parehong malapit at malayo, hindi alam ngunit pamilyar. Ngunit ano pa man, ito ay paksa na dapat pakinggan, dapat malaman, at dapat maunawaan ng lahat. Kahit paano mo man ito hinaharap, kahit paano mo man ito tinitingnan o paano mo man ito inuunawa, ang kahalagahan ng paksang ito ay hindi maaaring ipagsawalang-bahala.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo I

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 21

Ginagawa na ng Diyos ang Kanyang gawain simula pa noong nilikha Niya ang sangkatauhan. Noong simula, napakasimpleng gawain lang iyon, ngunit sa kabila ng kasimplehan nito, taglay nito ang mga pagpapahayag ng diwa at disposisyon ng Diyos. Samantalang ang gawain ng Diyos ngayon ay nasa mas mataas na antas, at ang gawaing ito sa bawat taong sumusunod sa Kanya ay naging napakalawak at konkreto, nang may dakilang pagpapahayag ng Kanyang salita, ang persona ng Diyos sa lahat ng panahon ay inilihim sa sangkatauhan. Bagama’t dalawang beses na Siyang nagkatawang-tao, mula sa panahon ng mga nasusulat sa Bibliya hanggang sa modernong panahon, sino na ang nakakita kailanman sa tunay na persona ng Diyos? Batay sa inyong pang-unawa, kailanman mayroon bang sinuman ang nakakita sa tunay na persona ng Diyos? Wala. Walang sinuman ang nakakita sa tunay na persona ng Diyos, na nangangahulugang walang sinuman ang kailanman ay nakakita sa tunay na sarili ng Diyos. Isang bagay ito na sinasang-ayunan ng lahat. Ang ibig sabihin, ang tunay na persona ng Diyos, o ang Espiritu ng Diyos, ay nakatago mula sa lahat ng sangkatauhan, kasama na sina Adan at Eba, na Kanyang nilikha, at kasama na rin ang matuwid na si Job, na Kanyang tinanggap. Wala sa kanilang nakakita ng tunay na persona ng Diyos. Ngunit bakit sinasadya ng Diyos na itago ang Kanyang tunay na persona? Sabi ng ilang tao: “Natatakot ang Diyos na makapanakot ng mga tao.” Sabi ng iba: “Itinatago ng Diyos ang Kanyang tunay na persona dahil masyadong maliit ang tao at ang Diyos ay masyadong dakila; hindi Siya maaaring makita ng mga tao, o mamamatay sila.” Mayroon ding mga nagsasabing: “Abala ang Diyos sa pamamahala ng Kanyang gawain sa araw-araw, at baka wala Siyang panahon na magpakita upang makita Siya ng mga tao.” Ano man ang inyong paniniwala, may konklusyon Ako rito. Ano ang konklusyon na iyan? Iyon ay dahil hindi lamang gusto ng Diyos na makita ng tao ang tunay Niyang persona. Ang manatiling nakatago mula sa sangkatauhan ay isang bagay na sinasadyang gawin ng Diyos. Sa madaling salita, layunin ng Diyos na hindi makita ng mga tao ang tunay Niyang persona. Malinaw na dapat ito sa lahat. Kung hindi kailanman ibinunyag ng Diyos ang Kanyang persona sa kanino man, sa palagay ba ninyo ay umiiral ang persona ng Diyos? (Umiiral Siya.) Siyempre umiiral Siya. Walang duda na umiiral ang persona ng Diyos. Ngunit kung gaano kadakila ang persona ng Diyos o kung ano ang Kanyang anyo, ito ba ay mga katanungan na dapat saliksikin ng sangkatauhan? Hindi. Ang sagot ay negatibo. Kung ang persona ng Diyos ay isang paksang hindi natin dapat ginagalugad, samakatuwid ano ang tanong na dapat nating bigyang-pansin? (Ang disposisyon ng Diyos.) (Ang gawain ng Diyos.) Ngunit bago tayo magbahagian tungkol sa opisyal na paksa, gayon man, balikan natin ang ating tinatalakay kani-kanina lang: Bakit hindi kailanman ibinunyag ng Diyos ang Kanyang persona sa sangkatauhan? Bakit sinasadyang itago ng Diyos ang Kanyang persona sa sangkatauhan? Mayroon lamang iisang dahilan, at iyon ay: Bagama’t ang tao na nilikha ng Diyos ay dumanas na sa libu-libong taon ng Kanyang paggawa, wala ni isang taong nakaaalam sa gawain ng Diyos, sa disposisyon ng Diyos, at sa diwa ng Diyos. Ang mga ganoong tao sa mata ng Diyos, ay sumasalungat sa Kanya, at hindi ipinapakita ng Diyos ang Sarili Niya sa mga taong kumakalaban sa Kanya. Ito ang tanging dahilan kung bakit hindi kailanman ibinunyag ng Diyos sa sangkatauhan ang Kanyang persona at kung bakit sinasadya Niyang sanggahan ang Kanyang persona mula sa sangkatauhan. Malinaw na ba sa inyo ang kahalagahan ng pag-alam sa disposisyon ng Diyos?

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo I

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 22

Simula noong nagkaroon ng pamamahala ng Diyos, lagi na Siyang nakatalagang lubos sa pagsasagawa ng Kanyang gawain. Sa kabila ng pagtatakip ng Kanyang persona mula sa tao, palagi lang Siyang nasa tabi ng tao, gumagawa sa tao, nagpapahayag ng Kanyang disposisyon, ginagabayan ang lahat ng sangkatauhan sa pamamagitan ng Kanyang diwa, at ginagawa ang Kanyang gawain sa bawat isang tao gamit ang Kanyang kalakasan, ang Kanyang karunungan, at ang Kanyang awtoridad, kung kaya’t nagkaroon ng Kapanahunan ng Kautusan, Kapanahunan ng Biyaya, at ng Kapanahunan ng Kaharian sa kasalukuyan. Bagama’t itinatago ng Diyos ang Kanyang persona mula sa tao, ang Kanyang disposisyon, kung ano Siya at kung anong mayroon Siya, at ang Kanyang kalooban sa sangkatauhan ay walang pangingiming ipinahahayag sa tao upang makita at maranasan ng tao. Sa madaling salita, kahit hindi makita o mahipo ng mga tao ang Diyos, ang disposisyon at diwa ng Diyos na naranasan ng sangkatauhan ay lubos na mga pagpapahayag ng Mismong Diyos. Hindi ba iyan ang katotohanan? Anumang paraan o anggulong pinipili ng Diyos para sa Kanyang gawain, palagi Niyang tinatrato ang mga tao nang nasa Kanyang totoong pagkakakilanlan, ginagawa ang dapat Niyang gawin at sinasabi ang mga salitang dapat Niyang sabihin. Mula sa anumang katayuan mangusap ang Diyos—maaaring nakatayo Siya sa ikatlong kalangitan, o nakatayo sa katawang-tao, o kahit bilang isang karaniwang tao—lagi Siyang nangungusap sa tao nang buong puso at sa Kanyang buong kaisipan, nang walang pandaraya o pagkukubli. Kapag ginagawa Niya ang Kanyang gawain, ipinahahayag ng Diyos ang Kanyang salita at ang Kanyang disposisyon, at ipinahahayag kung anong mayroon at kung ano ang Diyos, nang walang anumang pangingimi. Ginagabayan Niya ang sangkatauhan sa pamamagitan ng Kanyang buhay, at kung ano Siya at kung anong mayroon Siya. Ganito nabuhay ang tao sa Kapanahunan ng Kautusan—ang panahon ng kamusmusan ng katauhan—sa ilalim ng paggabay ng “di-makita at di-mahipong” Diyos.

Unang nagkatawang-tao ang Diyos matapos ang Kapanahunan ng Kautusan—isang pagkakatawang-tao na tumagal ng tatlumpu’t tatlo at kalahating taon. Para sa isang tao, ang tatlumpu’t tatlo at kalahating taon ba ay mahabang panahon? (Hindi ito mahaba.) Dahil ang buhay ng isang tao ay karaniwang mas mahaba sa mahigit tatlumpung taon, hindi ito gaanong matagal para sa tao. Ngunit para sa Diyos na nagkatawang-tao, talagang napakahaba itong tatlumpu’t tatlo at kalahating taon. Siya ay naging tao—isang karaniwang tao na isinakatuparan ang gawain at utos ng Diyos. Ito ay nangangahulugang kinailangan Niyang gawin ang gawain na hindi kaya ng karaniwang tao, habang tinitiis din ang pagdurusang hindi kayang tiisin ng karaniwang mga tao. Ang tindi ng pagdurusang tiniis ng Panginoong Jesus noong Kapanahunan ng Biyaya, mula sa simula ng Kanyang gawain hanggang noong ipinako Siya sa krus, ay isang bagay na maaaring hindi nakita mismo ng mga tao sa panahong ito, ngunit hindi ba kayo magkakaroon ng kahit kaunting ideya nito sa pamamagitan ng mga kuwento sa Bibliya? Gaano man karami ang mga detalyeng kasama sa mga naitalang ito, sa lahat-lahat, ang gawain ng Diyos sa panahong ito ay punung-puno ng paghihirap at pagdurusa. Para sa isang tiwali na tao, hindi matagal ang panahon na tatlumpu’t tatlo at kalahating taon; ang kaunting pagdurusa ay balewala lang. Ngunit para sa banal at walang-dungis na Diyos, na kinailangang magpasan sa lahat ng kasalanan ng sangkatauhan, at kumain, matulog, at mabuhay kasama ang mga makasalanan, masyadong malubha ang pasakit na ito. Siya ang Lumikha, ang Pinakamakapangyarihan sa lahat ng bagay at ang Pinuno ng lahat, ngunit noong pumarito Siya sa mundo, kinailangan Niyang tiisin ang pang-aapi at kalupitan ng mga tiwaling tao. Upang matapos Niya ang Kanyang gawain at mailigtas ang sangkatauhan mula karagatan ng paghihirap, kinailangan Siyang kondenahin ng tao, at pasanin ang mga kasalanan ng buong sangkatauhan. Ang hangganan ng pagdurusang pinagdaanan Niya ay hindi posibleng maarok ni sapat na mapahalagahan ng mga pangkaraniwang tao. Ano ang kinakatawan ng pagdurusang ito? Kinakatawan nito ang katapatan ng Diyos sa sangkatauhan. Kinakatawan nito ang kahihiyang pinagdusahan Niya at ang halagang binayaran Niya para sa kaligtasan ng tao, upang tubusin ang kanilang mga kasalanan, at upang tapusin ang bahaging ito ng Kanyang gawain. Nangangahulugan din ito na ang tao ay matutubos ng Diyos mula sa krus. Ito ay halagang binayaran gamit ang dugo, gamit ang buhay, at isang halagang di-kayang bayaran ng sinumang nilikha. Iyon ay dahil mayroon Siyang diwa ng Diyos at nasa Kanya ang kung anong mayroon at kung ano ang Diyos kaya nakayanan Niya ang ganitong uri ng pagdurusa at naisakatuparan ang ganitong uri ng gawain. Hindi makahahalili sa Kanya sa paggawa ng bagay na ito ang sinumang nilikha Niya. Ito ang gawain ng Diyos sa Kapanahunan ng Biyaya at isang pagbubunyag ng Kanyang disposisyon. Nagbunyag ba ito ng anuman tungkol sa kung anong mayroon at kung ano ang Diyos? Dapat lang ba na malaman ito ng sangkatauhan? Sa panahong iyon, bagama’t hindi nakita ng tao ang persona ng Diyos, tinanggap nila ang handog ng Diyos para sa kasalanan at natubos sila ng Diyos mula sa krus. Maaaring hindi ganap na walang alam ang sangkatauhan tungkol sa gawaing ginawa ng Diyos sa Kapanahunan ng Biyaya, ngunit mayroon bang nakaaalam sa disposisyon at kaloobang ipinahayag ng Diyos sa panahong ito? Alam lang ng tao ang tungkol sa mga detalye ng gawain ng Diyos sa iba’t ibang panahon at sa pamamagitan ng iba’t ibang mga paraan, o may alam sila tungkol sa mga kuwentong may kaugnayan sa Diyos na naganap kasabay ng pagsasagawa ng Diyos sa Kanyang gawain. Ang mga detalye at mga kuwentong ito ay ilang impormasyon o mga alamat lamang na tungkol sa Diyos, at walang kaugnayan sa disposisyon ng Diyos at diwa. Kaya kahit na gaano karaming kuwento ang alam ng tao tungkol sa Diyos, hindi ito nangangahulugan na may malalim silang pagkaunawa at kaalaman tungkol sa disposisyon ng Diyos o Kanyang diwa. Katulad noong Kapanahunan ng Kautusan, bagama’t ang mga tao mula sa Kapanahunan ng Biyaya ay nakaranas ng isang malapitan at malalim na karanasan kasama ng Diyos sa katawang-tao, sa katunayan wala silang kaalaman tungkol sa disposisyon ng Diyos at diwa ng Diyos.

Sa Kapanahunan ng Kaharian, muling nagkatawang-tao ang Diyos, katulad ng ginawa Niya noong unang beses. Sa panahong ito ng paggawa, ipinahahayag pa rin ng Diyos nang walang pangingimi ang Kanyang salita, ginagawa ang gawaing dapat Niyang isakatuparan at ipinahahayag kung anong mayroon at kung ano Siya. Kasabay nito, patuloy Niyang tinitiis at pinagbibigyan ang pagkasuwail at kamangmangan ng tao. Hindi ba patuloy pa rin ang Diyos sa pagbunyag ng Kanyang disposisyon at ipinapahayag ang Kanyang kalooban sa panahong ito ng paggawa? Samakatuwid, mula sa pagkalikha ng tao hanggang ngayon, ang disposisyon ng Diyos, kung ano Siya at anong mayroon Siya, at ang Kanyang kalooban, ay palaging lantad sa bawat tao. Hindi kailanman sinadyang itago ng Diyos ang Kanyang diwa, ang Kanyang disposisyon, o ang Kanyang kalooban. Wala lang talagang pagpapahalaga ang sangkatauhan tungkol sa kung ano ang ginagawa ng Diyos, kung ano ang Kanyang kolooban—kaya ang pagkaunawa ng tao sa Diyos ay lubhang kahabag-habag. Sa madaling salita, habang itinatago ng Diyos ang Kanyang persona, Siya ay nakaabang rin sa tabi ng sangkatauhan sa bawat sandali, lantad na ipinaaabot ang Kanyang kalooban, disposisyon, at diwa sa lahat ng oras. Sa isang dako, ang persona ng Diyos ay lantad rin sa mga tao, ngunit dahil sa pagkabulag at pagkasuwail ng tao, hindi nila kailanman namalas ang pagpapakita ng Diyos. Kaya kung ganyan ang kalagayan, hindi ba dapat na madali para sa lahat ang pag-unawa sa disposisyon ng Diyos at sa Diyos Mismo? Napakahirap sagutin ang tanong na iyan, hindi ba? Maaari mong sabihing madali iyan, ngunit habang nagsusumikap ang ilang tao na makilala ang Diyos, hindi talaga nila makilala ang Diyos o magkaroon ng malinaw na pagkaunawa sa Kanya—palaging malabo at hindi maliwanag. Ngunit kung sasabihin mong ito’y hindi madali, hindi rin naman ito tama. Sa tagal nilang pagiging pakay ng gawain ng Diyos, lahat ay nararapat, sa pamamagitan ng kanilang mga karanasan, na magkaroon ng totoong mga pakikitungo sa Diyos. Nadama man lamang dapat nila ang Diyos sa anumang antas sa kanilang mga puso o espirituwal na nakatagpo ang Diyos, at dapat ay nagkaroon man lamang sila ng kaunting mapang-unawang kamalayan sa disposisyon ng Diyos o nagkaroon ng kaunting pagkaunawa sa Kanya. Mula noong panahong nagsimula ang taong sumunod sa Diyos hanggang ngayon, masyado nang marami ang natanggap ng sangkatauhan, ngunit dahil sa lahat ng uri ng dahilan—ang mababang kalibre ng tao, kamangmangan, pagiging rebelde, at sari-saring mga layunin—masyadong marami rin ang nawala ng sangkatauhan. Hindi pa ba sapat ang mga naibigay ng Diyos sa sangkatauhan? Bagama’t itinatago ng Diyos ang Kanyang persona sa sangkatauhan, tinutustusan Niya ang mga tao ng kung anong mayroon Siya, ng kung ano Siya at ng buhay Niya; ang kaalaman ng sangkatauhan tungkol sa Diyos ay hindi lamang dapat kung ano ito ngayon. Kaya sa palagay Ko ay kailangang mas magbahagi sa inyo ng tungkol sa paksang ang gawain ng Diyos, ang disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo. Ang layunin ay upang hindi mauwi sa wala ang ilang libong taon na pag-aalaga at pagsasaalang-alang na inilaan ng Diyos sa tao, at upang tunay na maunawaan ng sangkatauhan at mapahalagahan ang kalooban ng Diyos para sa kanila. Ito ay upang makausad ang mga tao sa isang bagong hakbang sa kanilang pagkakilala sa Diyos. Maibabalik rin nito ang Diyos sa Kanyang tunay na lugar sa puso ng mga tao, upang mabigyan Siya ng katarungan.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo I

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 23

Ang Utos ng Diyos kay Adan

Genesis 2:15–17  At kinuha ng Diyos na si Jehova ang lalaki at inilagay sa halamanan ng Eden, upang Kanyang alagaan at ingatan. At iniutos ng Diyos na si Jehova sa lalaki, na sinabi, “Sa lahat ng punong kahoy sa halamanan ay makakakain ka nang may kalayaan: Datapuwat sa kahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay huwag kang kakain; sapagkat sa araw na ikaw ay kumain niyaon ay walang pagsalang mamamatay ka.”

Ano ang mga napulot ninyo mula sa mga bersikulong ito? Ano ang naramdaman ninyo sa bahaging ito ng Kasulatan? Bakit Ako nagpasyang magsalita tungkol sa Utos ng Diyos kay Adan? Ang bawat isa ba sa inyo ay may larawan ng Diyos at ni Adan sa inyong isipan? Maaari ninyong subukin na guni-gunihin: Kung kayo iyong naroon sa eksenang iyon, sa kaibuturan ninyo, ano sa palagay ninyo ang magiging anyo ng Diyos? Ano ang nararamdaman ninyo habang iniisip ninyo ito? Ito ay nakapupukaw at makabagbag-damdaming larawan. Bagama’t ang Diyos at ang tao lamang ang narito, ang pagiging malapit nila sa isa’t isa ay ay pumupuspos sa inyo ng paghanga: Ang masaganang pag-ibig ng Diyos ay malayang ipinagkaloob sa tao at bumabalot sa tao; ang tao ay inosente at dalisay, walang mga dinadala at alalahanin, napakaligayang nabubuhay sa ilalim ng pagtingin ng Diyos; nagpapakita ang Diyos ng malasakit para sa tao, habang ang tao ay nabubuhay sa ilalim ng pag-iingat at pagpapala ng Diyos; ang bawat bagay na ginagawa at sinasabi ng tao ay malapit na nakaugnay at hindi maihihiwalay sa Diyos.

Maaari itong tawagin na unang utos na ibinigay ng Diyos sa tao simula noong nilikha siya. Ano ang nilalaman ng utos na ito? Taglay nito ang kalooban ng Diyos, ngunit taglay rin nito ang Kanyang mga alalahanin para sa sangkatauhan. Ito ang unang utos ng Diyos, at ito rin ang unang pagkakataon na ipinahayag ng Diyos ang Kanyang pag-aalala sa tao. Ibig sabihin nito ay nadama ng Diyos ang pananagutan sa tao mula pa noong sandaling nilikha Niya siya. Ano ang Kanyang pananagutan? Kailangan Niyang ingatan ang tao, alagaan ang tao. Umaasa Siyang magtitiwala at susunod ang tao sa Kanyang mga salita. Ito rin ang unang inaasahan ng Diyos mula sa tao. Dahil sa pag-asang ito kaya sinasabi ng Diyos ang mga sumusunod: “Sa lahat ng punong kahoy sa halamanan ay makakakain ka nang may kalayaan: Datapuwat sa kahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay huwag kang kakain; sapagkat sa araw na ikaw ay kumain niyaon ay walang pagsalang mamamatay ka.” Ang mga simpleng salitang ito ay kumakatawan sa kalooban ng Diyos. Ibinubunyag din ng mga ito na sa Kanyang puso, ang Diyos ay nagsimula nang magpakita ng malasakit para sa tao. Sa gitna ng lahat ng bagay, si Adan lang ang nilikha sa wangis ng Diyos; si Adan lang ang nabuhay na taglay ang hininga ng buhay ng Diyos; maaari siyang lumakad kasama ang Diyos, makipag-usap sa Diyos. Ito ang dahilan kaya siya binigyan ng Diyos ng utos na ito. Ginawang napakalinaw ng Diyos sa Kanyang utos kung ano ang maaaring gawin at hindi maaaring gawin ng tao.

Sa iilang simpleng salita na ito, makikita natin ang puso ng Diyos. Ngunit anong uri ng puso ang nagpapakita ng sarili nito? May pag-ibig ba sa puso ng Diyos? Mayroon bang malasakit? Sa mga bersikulong ito, ang pag-ibig at malasakit ng Diyos ay hindi lamang mapahahalagahan kundi madarama rin nang masinsinan. Hindi ba kayo sumasang-ayon? Matapos na marinig Akong sabihin ito, sa palagay ba ninyo ay iilang simpleng salita lamang ang mga ito? Matapos ang lahat ay hindi gaanong simple ang mga ito, hindi ba? Alam na ba ninyo ito noon? Kung personal na sabihin ng Diyos sa iyo ang iilang salita na ito, ano ang mararamdaman mo sa iyong kalooban? Kung ikaw ay hindi makatao, kung ang puso mo ay malayelo sa lamig, kung gayon wala kang anumang mararamdaman, at hindi mo mapahahalagahan ang pag-ibig ng Diyos, at hindi mo susubukang maunawaan ang puso ng Diyos. Ngunit bilang isang taong may konsensya at may diwa ng pagiging makatao, iba ang mararamdaman mo. Makararamdam ka ng init, madadama mong ikaw ay nililingap at minamahal, at madadama mo ang kasayahan. Hindi ba tama iyan? Kapag nadama mo ang mga bagay na ito, paano ka makikitungo sa Diyos? Madarama mo kayang kaugnay ka ng Diyos? Mamahalin at igagalang mo kaya ang Diyos mula sa kaibuturan ng iyong puso? Mapapalapit kaya ang puso mo sa Diyos? Makikita mo mula rito kung gaano talaga kahalaga para sa tao ang pag-ibig ng Diyos. Ngunit ang lubhang mas mahalaga ay ang pagpapahalaga at pagkaunawa ng tao sa pag-ibig ng Diyos. Sa katunayan, hindi ba nagsasabi ang Diyos ng maraming bagay na kagaya nito sa yugtong ito ng Kanyang gawain? May mga tao ba sa panahong ito ang nagpapahalaga sa puso ng Diyos? Napapahalagahan ba ninyo ang kalooban ng Diyos na kababanggit Ko lamang? Hindi ninyo talaga mapahahalagahan ang kalooban ng Diyos kapag ito ay konkreto, nahahawakan, at totoo. Kaya Ko nasasabing wala kayong totoong kaalaman at pagkaunawa sa Diyos. Hindi ba ito totoo?

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo I

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 24

Nilikha ng Diyos si Eba

Genesis 2:18–20  At sinabi ng Diyos na si Jehova, “Hindi mabuti na ang lalaki ay mag-isa; siya’y ilalalang Ko ng makakatulong niya.” At nilalang ng Diyos na si Jehova sa lupa ang lahat ng hayop sa parang, at ang lahat ng ibon sa himpapawid; at pinagdadala kay Adan upang maalaman kung anong itatawag niya sa mga iyon: at anumang itinawag ni Adan sa bawat kinapal na may buhay ay yaon ang naging pangalan niyaon. At pinangalanan ni Adan ang lahat ng mga baka, at ang mga ibon sa himpapawid, at ang bawat hayop sa parang; datapuwat para kay Adan ay walang nasumpungang maging katulong niya.

Genesis 2:22–23  At ang tadyang, na kinuha ng Diyos na si Jehova sa lalaki, ay ginawang isang babae, at ito’y dinala niya sa lalaki. At sinabi ni Adan, “Ito nga’y buto ng aking mga buto at laman ng aking laman: siya’y tatawaging Babae, sapagkat sa Lalaki siya kinuha.”

May isang mahalagang linya sa bahaging ito ng Banal na Kasulatan: “anumang itinawag ni Adan sa bawat kinapal na may buhay ay yaon ang naging pangalan niyaon.” Kaya, sino ang nagbigay sa lahat ng buhay na nilikha ng kanilang mga pangalan? Ito ay si Adan, hindi ang Diyos. May sinasabing katotohanan sa sangkatauhan ang linyang ito: Binigyan ng Diyos ang tao ng katalinuhan noong siya ay Kanyang nilikha. Ang ibig sabihin, ang katalinuhan ng tao ay nagmula sa Diyos. Ito ay isang katiyakan. Ngunit bakit? Matapos likhain ng Diyos si Adan, pumasok ba sa paaralan si Adan? Marunong ba siyang magbasa? Matapos likhain ng Diyos ang iba’t ibang buhay na nilikha, nakilala ba ni Adan ang lahat ng nilalang na ito? Sinabi ba ng Diyos sa kanya kung ano ang mga pangalan nila? Siyempre, hindi rin itinuro ng Diyos sa kanya kung paano pangalanan ang mga nilikhang ito. Iyan ang totoo! Kung ganoon, paano nalaman ni Adan kung paano pangalanan ang mga buhay na nilikhang ito at kung anong uri ng mga pangalan ang ibibigay sa kanila? Ito ay kaugnay sa tanong na kung ano ang idinagdag ng Diyos kay Adan noong nilikha Niya siya. Ang mga katotohanan ay nagpapatunay na noong nilikha ng Diyos ang tao, idinagdag Niya ang Kanyang katalinuan sa kanya. Mahalagang punto ito, kaya makinig nang mabuti. May isa pang mahalagang punto na dapat ninyong maunawaan: Matapos pangalanan ni Adan ang mga buhay na nilikhang ito, ang mga pangalang ito ay naitakda sa talasalitaan ng Diyos. Bakit Ko binanggit ito? Dahil may kaugnayan din ito sa disposisyon ng Diyos, at ito ay isang puntong dapat Kong ipaliwanag pa nang husto.

Nilikha ng Diyos ang tao, hiningahan siya ng buhay, at binigyan rin siya ng kaunti sa Kanyang katalinuan, sa Kanyang mga kakayahan, at kung anong mayroon at kung ano Siya. Pagkatapos ibigay ng Diyos sa tao ang lahat ng ito, nakayang gumawa ng tao ng ilang bagay nang nagsasarili at mag-isip nang sarili. Kung ang mabuo at magawa ng tao ay mabuti sa mata ng Diyos, tinatanggap ito ng Diyos at hindi pinakikialaman. Kung ang ginagawa ng tao ay tama, hahayaan lang iyan ng Diyos. Kaya ano ang ipinahihiwatig ng pariralang “anumang itinawag ni Adan sa bawat kinapal na may buhay ay yaon ang naging pangalan niyaon”? Ipinahihiwatig nito na para sa Diyos ay hindi na kailangang gumawa ng anumang pagbabago sa mga pangalan ng iba’t ibang mga buhay na nilikha. Anumang pangalan ang itawag ni Adan sa nilikha, sinasabi ng Diyos na “Ito na nga kung gayon,” bilang pagsang-ayon sa pangalan ng nilalang. Nagpahayag ba ang Diyos ng anumang opinyon sa bagay na ito? Siguradong hindi. Kaya ano ang napulot ninyo rito? Binigyan ng Diyos ang tao ng katalinuhan at ginamit ng tao ang katalinuhang bigay ng Diyos upang gumawa ng mga bagay. Kung ang gawain ng tao ay positibo sa mata ng Diyos, ito ay pinapayagan, kinikilala, at tinatanggap ng Diyos nang walang paghuhusga o pamimintas. Ito ay isang bagay na hindi magagawa ng isang tao, masamang espiritu, o ni Satanas. Nakakita ba kayo rito ng pagbubunyag ng disposisyon ng Diyos? Ang isang tao ba, isang tiwaling tao, o si Satanas, ay magpapahintulot na may gawin ang sinuman sa kanilang pangalan habang nakabantay sila? Siguradong hindi. Makikipaglaban ba sila para sa puwesto sa ibang tao na iyon o sa ibang pwersa na naiiba sa kanila? Siyempre, gagawin nila ito! Kung isang tiwaling tao o si Satanas ang kasama ni Adan, tiyak na hindi nila tatanggapin ang ginagawa ni Adan noong panahong iyon, tiyak na aayawan nila ang ginagawa ni Adan. Upang patunayang mayroon silang kakayahang mag-isip nang nagsasarili at mayroon silang natatanging mga karunungan, lubos sana nilang tinanggihan ang lahat ng ginawa ni Adan: “Gusto mo itong tawagin na ganito? Magaling, hindi ko ito tatawagin na ganito, tatawagin ko itong ganyan; tinawag mo itong Tom ngunit tatawagin ko itong Harry. Kailangan Kong ipakita kung gaano ako kagaling.” Anong uri ng kalikasan ito? Hindi ba ito labis na kayabangan? At paano naman ang Diyos? May ganito ba Siyang disposisyon? May anumang kakaibang pagtutol ba ang Diyos sa ginawa ni Adan? Ang sagot ay maliwanag na wala! Sa inihahayag na disposisyon ng Diyos, walang kahit katiting na pagiging mahilig sa pakikipagtalo, kayabangan, o pagmamagaling. Iyan ay napakalinaw rito. Mukhang maliit na punto lamang ito, ngunit kung hindi mo nauunawaan ang diwa ng Diyos, kung ang iyong puso ay hindi susubukang malaman kung paano gumagalaw ang Diyos at kung ano ang saloobin ng Diyos, hindi mo malalaman ang disposisyon ng Diyos, o makikita ang pagpapahayag at pagbubunyag ng disposisyon ng Diyos. Hindi nga ba ganoon? Sang-ayon ba kayo sa kapapaliwanag Ko lang sa inyo? Bilang tugon sa mga ginawa ni Adan, hindi magarbong ipinahayag ng Diyos, “Magaling ang ginawa mo, tama ang ginawa mo, at sang-ayon Ako!” Ngunit sa Kanyang puso, gayon pa man, sumang-ayon, pinahalagahan, pinalakpakan ng Diyos ang ginawa ni Adan. Ito ang unang bagay na ginawa ng tao para sa Diyos ayon sa Kanyang tagubilin simula noong paglikha. Ito ay isang bagay na ginawa ng tao sa lugar ng Diyos at sa ngalan ng Diyos. Sa mata ng Diyos, ito ay bunga ng katalinuhang ipinagkaloob Niya sa tao. Sa tingin ng Diyos ito ay isang mabuting bagay, isang positibong bagay. Ang ginawa ni Adan noong panahong iyon ay ang unang pagpapamalas ng katalinuhan ng Diyos na nasa tao. Isa itong mahusay na pagpapakita ayon sa pananaw ng Diyos. Ang nais Kong sabihin sa inyo rito ay ang layunin ng Diyos sa pagbibigay sa tao ng isang bahagi ng kung ano ang mayroon at kung ano Siya at ng Kanyang katalinuhan ay upang maging buhay na nilikha ang sangkatauhan na maghahayag sa Kanya. Sapagkat ang kumilos ang buhay na nilikha sa ngalan Niya ay ang mismong ninanais ng Diyos na makita.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo I

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 25

Gumawa ang Diyos ng mga Kasuotang Balat Para kina Adan at Eba

Genesis 3:20–21  At tinawag na Eba ni Adan ang kanyang asawa; sapagkat siya ang naging ina ng lahat ng mga nabubuhay. At iginawa ng Diyos na si Jehova si Adan at ang kanyang asawa ng mga kasuotang balat at sila’y dinamitan.

“At iginawa ng Diyos na si Jehova si Adan at ang kanyang asawa ng mga kasuotang balat at sila’y dinamitan.” Sa tagpong ito, anong uri ng papel ang nakikita nating ginampanan ng Diyos noong kasama Niya sina Adan at Eba? Sa anong paraan ipinamalas ng Diyos ang Kanyang sarili, sa mundong ito na may dadalawang tao lamang? Ipinamalas ba Niya ang Kanyang sarili bilang isang Diyos? Mga kapatirang lalaki at babae mula sa Hongkong, mangyaring sumagot kayo. (Bilang isang magulang.) Mga kapatirang lalaki at babae mula sa Timog Korea, sa anong uri ng pagganap sa palagay ninyo ang pagpapakita ng Diyos? (Pinuno ng pamilya.) Mga kapatirang lalaki at babae mula sa Taiwan, ano sa palagay ninyo? (Bilang isang kapamilya nina Adan at Eba, bilang isang miyembro ng pamilya.) Sa palagay ng ilan sa inyo ang Diyos ay nagpapakita bilang isang kapamilya nina Adan at Eba, habang ang ilan ay nagsasabing nagpapakita ang Diyos bilang pinuno ng pamilya at ang sabi ng iba bilang isang magulang. Ang lahat ng ito ay napakaangkop. Ngunit nakikita ba ninyo kung ano ang ipinupunto Ko? Nilikha ng Diyos ang dalawang taong ito at itinuring silang mga kasama Niya. Bilang nag-iisa nilang kapamilya, inalagaan ng Diyos ang kanilang mga buhay at tinustusan ang mga pangangailangan nila sa pagkain, damit, at tirahan. Dito, nagpapakita ang Diyos bilang magulang nila Adan at Eba. Habang ginagawa ito ng Diyos, hindi nakikita ng tao kung gaano katayog ang Diyos; hindi niya nakikita ang kataas-taasang pangingibabaw ng Diyos, ang Kanyang pagiging mahiwaga, at lalo nang hindi ang Kanyang poot o kamahalan. Ang nakikita lamang niya ay ang pagpapakumbaba ng Diyos, ang Kanyang pagsuyo, ang Kanyang malasakit para sa tao at ang Kanyang pananagutan at paglingap para sa kanya. Ang saloobin at paraan ng pakikitungo ng Diyos kina Adan at Eba ay katulad ng pagpapakita ng malasakit ng mga magulang para sa kanilang mga anak. Ganito rin ang paraan ng pagmamahal, pagsubaybay, at pagmamalasakit ng mga magulang para sa kanilang mga sariling anak na lalaki at babae—totoo, nakikita, at konkreto. Sa halip na ilagay ang Sarili Niya sa isang mataas at makapangyarihan na katayuan, personal na ginamit ng Diyos ang mga balat upang gumawa ng damit para sa tao. Hindi mahalaga kung ang balabal na balahibong ito ay ginamit upang takpan ang kanilang kahinhinan o sanggahan sila mula sa lamig. Ang mahalaga ay itong damit na ginamit upang takpan ang katawan ng tao ay ginawa ng Diyos gamit ang sarili Niyang mga kamay. Sa halip na likhain ito na gamit lamang ang isip o mahimalang mga pamamaraan, gaya ng nasa imahinasyon ng mga tao na gagawin ng Diyos, lehitimong ginawa ng Diyos ang isang bagay na sa palagay ng tao ay hindi magagawa at hindi dapat gawin ng Diyos. Maaaring tila walang halaga ito—marahil sa palagay ng ilan ay hindi na nga dapat pang banggitin ito—ngunit hinahayaan nito ang lahat ng sumusunod sa Diyos na dati ay puno ng malalabong kaisipan tungkol sa Kanya na magkaroon ng kabatiran sa Kanyang pagiging totoo at kaibig-ibig, at upang makita ang Kanyang katapatan at kababaang-loob. Nagagawa nitong payukuin dahil sa hiya ang mapagmataas na ulo ng mga lubhang napakayabang na tao na nag-iisip na sila’y mataas at malakas sa harap ng pagiging totoo at pagpapakumbaba ng Diyos. Dito, nakatutulong pa ang pagiging totoo at pagpapakumbaba ng Diyos upang maipakita sa mga tao kung gaano Siya kaibig-ibig. Kasalungat nito, ang “napakalaking” Diyos, “kaibig-ibig” na Diyos, at Diyos na “makapangyarihan sa lahat” sa puso ng mga tao ay naging mababaw at pangit, at gumuguho sa pinakamagaan na paghipo. Kapag nakita mo ang bersikulong ito at narinig ang kuwentong ito, bumababa ba ang tingin mo sa Diyos dahil ginawa Niya ang ganoong bagay? May ilang tao ang maaaring ganoon, ngunit kabaligtaran ang magiging tugon ng iba. Iisipin nila na ang Diyos ay totoo at kaibig-ibig, at ang mismong pagkatotoo at pagiging kaibig-ibig ng Diyos ang tumitinag sa kanila. Habang lalo nilang nakikita ang tunay na panig ng Diyos, lalo nilang mapahahalagahan ang tunay na pag-iral ng pag-ibig ng Diyos, ang kahalagahan ng Diyos sa kanilang mga puso, at kung paano Siya nananatili sa tabi nila sa bawat sandali.

Iugnay natin ngayon ang ating talakayan sa kasalukuyan. Kung kaya ng Diyos na gawin ang iba’t ibang maliliit na bagay na ito para sa mga taong nilikha Niya sa simula’t simula, kahit ang ilang bagay na hindi kailanman mangangahas ang mga taong isipin o asahan, kung gayon ay maaari kayang gawin ng Diyos ang ganoong mga bagay para sa mga tao sa kasalukuyan? Sabi ng ilan, “Oo!” Bakit ganoon? Dahil ang diwa ng Diyos ay hindi huwad, at ang Kanyang pagiging kaibig-ibig ay hindi peke. Ang diwa ng Diyos ay tunay na umiiral at hindi isang bagay na idinagdag ng iba, at tiyak na hindi isang bagay na nagbabago kasabay ng mga pagbabago sa oras, lugar, at mga kapanahunan. Ang pagiging totoo at kaibig-ibig ng Diyos ay maaaring maipakita sa pamamagitan lamang ng paggawa ng isang bagay na sa palagay ng mga tao ay karaniwan at walang halaga—isang bagay na napakaliit na hindi man lang iniisip ng mga tao na gagawin Niya kailanman. Ang Diyos ay hindi mapagpanggap. Walang pagmamalabis, pagbabalatkayo, pagmamataas, o pagmamayabang sa Kanyang disposisyon at diwa. Hindi Siya kailanman naghambog, ngunit sa halip ay nagmamahal, nagpapakita ng malasakit, nagsusubaybay, at pinangungunahan ang mga taong Kanyang nilikha nang may katapatan at pagiging taos-puso. Kahit gaano man kaliit ang mapahalagahan, madama, o makita ng mga tao sa ginagawa ng Diyos, tiyak na ginagawa Niya ito. Ang malaman ba na ang Diyos ay may ganitong diwa ay makaaapekto sa pag-ibig ng tao para sa Kanya? Maaari ba itong makaimpluwensya sa kanilang takot sa Diyos? Umaasa Akong kapag naunawaan mo ang pagiging totoo ng Diyos, lalo ka pang mapapalapit sa Kanya at lalo pang tunay na mapahahalagahan ang Kanyang pag-ibig at paglingap para sa sangkatauhan, gayundin ay maibibigay ang iyong puso sa Diyos at maililigtas mula sa mga paghihinala o pagdududa sa Kanya. Tahimik na ginagawa ng Diyos ang lahat para sa tao, tahimik na ginagawa ang lahat ng ito sa pamamagitan ng Kanyang pagiging taos-puso, katapatan, at pag-ibig. Ngunit wala Siya kailanman na anumang pangamba o pagsisisi para sa lahat ng Kanyang ginagawa, ni wala rin Siyang pangangailangang bayaran ng ninuman sa anumang paraan o layunin kailanman na may makuha mula sa sangkatauhan. Ang tanging layunin ng lahat ng ginawa Niya kailanman ay upang matanggap Niya ang tunay na pananampalataya at pag-ibig ng sangkatauhan.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo I

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 26

Nilayon ng Diyos na Sirain ang Mundo Gamit ang Isang Baha at Sinabihan si Noe na Gumawa ng Isang Arka

Genesis 6:9–14  Ito ang mga lahi ni Noe: Si Noe ay lalaking matuwid at sakdal noong kapanahunan niya, at si Noe ay lumakad na kasama ng Diyos. At nagkaanak si Noe ng tatlong lalaki, si Sem, si Cham, at si Japhet. Ang lupa ay tiwali rin sa harap ng Diyos, at ang lupa ay napuno ng karahasan. At tiningnan ng Diyos ang lupa, at, narito, ito ay tiwali; sapagkat pinasama ng lahat ng laman ang kanilang paglakad sa ibabaw ng lupa. At sinabi ng Diyos kay Noe, “Ang wakas ng lahat ng laman ay dumating sa harap Ko; sapagkat ang lupa ay napuno ng karahasan dahil sa kanila; at, narito, sila’y Aking lilipuling kalakip ng lupa. Gumawa ka ng isang arkang kahoy na gofer; gagawa ka ng mga silid sa arka, at iyong sisiksikan sa loob at sa labas ng sahing.”

Genesis 6:18–22  Datapuwat pagtitibayin Ko ang Aking tipan sa iyo; at ikaw ay lululan sa arka, ikaw, at ang iyong mga anak na lalaki, at ang iyong asawa, at ang mga asawa ng iyong mga anak na kasama mo. At sa bawat nangabubuhay, sa lahat ng laman ay maglululan ka sa loob ng sasakyan ng dalawa sa bawat uri upang maingatan silang buhay, na kasama mo; lalaki at babae ang kinakailangan. Sa mga ibon ayon sa kani-kanilang uri, at sa mga hayop ayon sa kani-kanilang uri, sa bawat nagsisigapang na bagay sa lupa ayon sa kani-kanilang uri, dalawa sa bawat uri ay isasama mo sa iyo, upang maingatan ang mga itong buhay. At magbaon ka ng lahat na pagkain na kinakain, at imbakin mo sa iyo; at magiging pagkain mo at nila. Gayon ginawa ni Noe; ayon sa lahat na iniutos sa kanya ng Diyos, ay gayon ang ginawa niya.

May pangkalahatang pagkaunawa na ba kayo kung sino si Noe matapos ninyong mabasa ang dalawang talatang ito? Anong uri ng tao si Noe? Ang orihinal na teksto ay: “Si Noe ay lalaking matuwid at sakdal noong kapanahunan niya.” Ayon sa pagkaunawa ng mga modernong tao, anong uri ng tao ang isang “matuwid na tao” noong panahong iyon? Ang isang matuwid na tao ay dapat na isang perpektong tao. Alam ba ninyo kung ang perpektong taong ito ay perpekto sa mata ng tao, o perpekto sa mata ng Diyos? Walang duda, ang perpektong taong ito ay perpekto sa mata ng Diyos, ngunit hindi sa mga mata ng tao. Sigurado iyan! Ito ay dahil bulag ang tao at hindi makakita, at tanging ang Diyos ang tumitingin sa buong mundo at sa bawat isang tao, at tanging ang Diyos ang nakaaalam na si Noe ay perpektong tao. Kaya ang balak ng Diyos na sirain ang mundo gamit ang isang baha ay nagsimula sa sandaling tinawag Niya si Noe.

…………

Ang pagtawag kay Noe ay isang simpleng bagay, ngunit ang pangunahing punto ng ating pinag-uusapan—ang disposisyon ng Diyos, ang Kanyang kalooban, at ang Kanyang diwa sa naitalang ito—ay hindi ganoon kasimple. Upang maunawaan ang ilang aspetong ito ng Diyos, dapat muna nating maunawaan ang uri ng taong nais tawagin ng Diyos, at sa pamamagitan nito, maunawaan ang Kanyang disposisyon, kalooban, at diwa. Napakahalaga nito. Kaya sa mata ng Diyos, ano kayang uri ng tao itong tao na tinatawag Niya? Ang taong ito ay dapat na nakikinig sa Kanyang mga salita at nakasusunod sa Kanyang mga tagubilin. Kasabay nito, dapat ang taong ito ay may pagpapahalaga rin sa pananagutan, isang tao na isasagawa ang salita ng Diyos sa pamamagitan ng pagturing dito bilang pananagutan at tungkulin na nakatalagang tuparin nila. Kung ganoon, ang taong ito ba ay kinakailangang nakakakilala sa Diyos? Hindi. Noong panahong iyon, wala pang gaanong narinig si Noe tungkol sa mga turo ng Diyos o naranasan ang kahit ano sa gawain ng Diyos. Samakatuwid, si Noe ay may napakaliit na kaalaman tungkol sa Diyos. Bagama’t nakatala rito na si Noe ay nabuhay nang kasama ang Diyos, nakita ba niya kailanman ang persona ng Diyos? Ang sagot ay tiyak na hindi! Dahil sa mga panahong iyon, ang mga sugo lamang ng Diyos ang pumupunta sa mga tao. Habang maaari nilang katawanin ang Diyos sa pagsasabi at paggawa ng mga bagay, ipinaaabot lamang nila ang kalooban ng Diyos at ang Kanyang mga layunin. Hindi ipinahayag sa tao nang harapan ang persona ng Diyos. Sa bahaging ito ng banal na kasulatan, ang tanging nakikita natin ay kung ano ang kailangang gawin ni Noe at kung ano ang mga tagubilin ng Diyos sa kanya. Kaya ano ang diwang ipinahayag ng Diyos dito? Ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay naplano nang may katiyakan. Kapag nakakakita Siya ng isang bagay o sitwasyong nagaganap, sa Kanyang mga mata ay mayroong pamantayang magagamit na panukatan nito, at ang pamantayang ito ang magsasabi kung magsasagawa Siya ng isang plano sa pagharap nito o kung anong pamamaraan ang gagamitin sa pagharap sa bagay at sitwasyong ito. Hindi Siya walang pakialam o walang nararamdaman sa lahat ng bagay. Ang totoo ay lubos na kabaligtaran nito. May bersikulo rito na nagpapahayag ng sinabi ng Diyos kay Noe: “Ang wakas ng lahat ng laman ay dumating sa harap Ko; sapagkat ang lupa ay napuno ng karahasan dahil sa kanila; at, narito, sila’y Aking lilipuling kalakip ng lupa.” Nang sinabi ito ng Diyos, ang ibig ba Niyang sabihin ay mga tao lamang ang lilipulin Niya? Hindi! Ang sabi ng Diyos ay lilipulin Niya ang lahat ng nabubuhay na laman. Bakit gusto ng Diyos ang panlilipol? May isa pang pagbubunyag ng disposisyon ng Diyos dito; sa mata ng Diyos, may hangganan ang Kanyang pasensiya sa katiwalian ng tao, sa karumihan, karahasan, at pagsuway ng lahat ng laman. Ano ang Kanyang hangganan? Tulad ng sinabi ng Diyos: “At tiningnan ng Diyos ang lupa, at, narito, ito ay tiwali; sapagkat pinasama ng lahat ng laman ang kanilang paglakad sa ibabaw ng lupa.” Ano ang ibig sabihin ng pariralang “sapagkat pinasama ng lahat ng laman ang kanilang paglakad sa ibabaw ng lupa”? Ito ay nangangahulugan na anumang nabubuhay, kasama na ang mga sumusunod sa Diyos, ang mga tumatawag sa pangalan ng Diyos, ang mga minsan ay naghandog ng mga sinunog na alay sa Diyos, ang mga nagsalita ng pagkilala sa Diyos at nagpuri pa sa Diyos—sa sandaling ang kanilang mga asal ay mapuno ng katiwalian at makaabot sa mga mata ng Diyos, kailangan Niyang lipulin sila. Iyan ang hangganan ng Diyos. Kaya nanatiling gaano kahaba ang pasensya ng Diyos sa tao at sa katiwalian ng lahat ng laman? Hanggang sa lahat ng tao, maging mga sumusunod sa Diyos o hindi mananampalataya, ay hindi lumalakad sa tamang landas. Hanggang sa ang tao ay hindi lang tiwali ang moralidad at puno ng kasamaan, ngunit wala na ring naniniwalang may Diyos, lalo nang wala ang naniniwala na ang mundo ay pinaghaharian ng Diyos at makapagdadala ang Diyos ng liwanag at ng tamang landas. Hanggang sa ang tao ay nasuklam sa pag-iral ng Diyos at hindi pinayagang umiral ang Diyos. Sa sandaling umabot sa puntong ito ang katiwalian ng tao, hindi na ito matagalan ng Diyos. Ano ang papalit rito? Ang pagdating ng poot ng Diyos at kaparusahan ng Diyos. Hindi ba isang bahagi iyon ng pagbubunyag ng disposisyon ng Diyos? Sa kasalukuyang panahon, mayroon pa bang matuwid na tao sa mata ng Diyos? Mayroon pa bang perpektong tao sa mga mata ng Diyos? Ito ba ay panahon kung saan ang asal ng lahat ng laman sa lupa ay tiwali sa mata ng Diyos? Sa araw at panahong ito—bukod doon sa mga gustong gawing ganap ng Diyos, at sa mga makakasunod sa Diyos at makakatanggap ng Kanyang pagliligtas—hindi ba hinahamon ng lahat ng taong laman ang hangganan ng pasensiya ng Diyos? Hindi ba puno ng karahasan ang lahat ng nangyayari sa tabi ninyo, ang mga nakikita ng mga mata ninyo, at naririnig ng mga tainga ninyo, at personal na nararanasan ninyo sa araw-araw sa mundong ito? Sa mata ng Diyos, hindi ba dapat na wakasan ang ganitong uri ng mundo, ang ganitong uri ng panahon? Bagama’t ang kalagayan sa kasalukuyang panahon ay ibang-iba sa kalagayan noong panahon ni Noe, ang mga damdamin at poot ng Diyos para sa katiwalian ng tao ay lubos na nananatiling ganoon pa rin. Nagagawang maging mapagpasensiya ang Diyos dahil sa Kanyang gawain, ngunit alinsunod sa lahat ng uri ng mga kalagayan at mga kondisyon, sa mata ng Diyos ay matagal na sanang ginunaw ang mundong ito. Ang mga sitwasyon ay malayo at lampas na sa kung ano ang mundo noong ginunaw ito sa pamamagitan ng baha. Ngunit ano ang pagkakaiba? Ito rin ang bagay na pinakanagpapalungkot sa puso ng Diyos, at marahil isang bagay na wala sa inyo ang makapagpapahalaga.

Noong ginugunaw Niya ang mundo sa pamamagitan ng baha, nagawa ng Diyos na tawagin si Noe upang gumawa ng arka at gawin ang ilang paghahandang gawain. Maaaring tawagin ng Diyos ang isang tao—si Noe—upang gawin ang mga serye ng mga bagay na ito para sa Kanya. Ngunit sa kasalukuyang panahon, walang sinuman ang maaaring tawagin ng Diyos. Bakit ganoon? Ang bawat isang tao na nakaupo rito marahil ay ganap na naiintindihan at nalalaman ang dahilan. Kailangan pa ba ninyong isa-isahin Ko ito? Kung sasabihin Ko nang malakas, baka mapahiya kayo at maiinis ang lahat. Baka sabihin ng ilang tao: “Bagama’t hindi tayo mga matuwid na tao at hindi tayo mga perpektong tao sa mata ng Diyos, kapag may ipinagawa sa atin ang Diyos, makakaya pa rin nating gawin ito. Noon, nang sinabi Niyang may parating na malalang sakuna, nagsimula tayong maghanda ng pagkain at mga bagay-bagay na kakailanganin para sa sakuna. Hindi ba lahat ng ito ay ginawa alinsunod sa mga ipinagagawa ng Diyos? Hindi ba talaga tayo nakikipagtulungan sa gawain ng Diyos? Hindi ba maaaring maihambing itong mga ginawa natin sa ginawa ni Noe? Hindi ba tunay na pagsunod iyong paggawa sa ginawa natin? Hindi ba natin sinusunod iyong mga tagubilin ng Diyos? Hindi ba natin ginawa ang sinabi ng Diyos dahil may pananampalataya tayo sa mga salita ng Diyos? Kung ganoon bakit malungkot pa rin ang Diyos? Bakit sinasabi ng Diyos na wala Siyang matawag?” May pagkakaiba ba ang mga ginawa ninyo at ang ginawa ni Noe? Ano ang pagkakaiba? (Ang paghahanda ng pagkain ngayon para sa sakuna ay sarili nating layunin.) (Ang mga gawa natin ay hindi umaabot sa “pagkamatuwid,” samantalang si Noe ay isang matuwid na tao sa mata ng Diyos.) Ang sinabi ninyo ay hindi gaanong malayo. Malaki ang pagkakaiba ng ginawa ni Noe sa ginagawa ng mga tao ngayon. Noong gumawa si Noe ayon sa tagubilin ng Diyos, hindi niya alam kung ano ang mga layunin ng Diyos. Hindi niya alam kung ano ang gustong maisakatuparan ng Diyos. Binigyan lang siya ng Diyos ng kautusan at binilinan siyang gumawa ng isang bagay, at nang walang gaanong paliwanag, tumuloy si Noe at ginawa ito. Hindi niya sinubukang alamin ang mga layunin ng Diyos nang palihim, ni hindi siya lumaban sa Diyos o nagpakita nang kawalang-katapatan. Humayo lamang siya at ginawa ito nang may malinis at simpleng puso. Anuman ang ipinagawa ng Diyos ay ginawa niya, at ang pagsunod at pakikinig sa salita ng Diyos ang nagpalakas ng kanyang paniniwala sa kanyang ginawa. Ganito katapat at kasimple ang pagharap niya sa ipinagkatiwala ng Diyos. Ang kanyang diwa—ang diwa ng kanyang mga paggawa ay pagsunod, hindi pagdadalawang-isip, hindi paglaban, at higit pa rito, hindi pag-iisip ng mga pansarili niyang kapakanan o pakinabang at kawalan. At noon pang sinabi ng Diyos na gugunawin Niya ang mundo sa pamamagitan ng isang baha, hindi tinanong ni Noe kung kailan o kung anong mangyayari sa mga bagay-bagay, at tiyak na hindi niya tinanong ang Diyos kung paano Niya gugunawin ang mundo. Gumawa lang siya ayon sa tagubilin ng Diyos. Sa paano mang paraan nais ng Diyos na gawin ito at kung sa ano gawa ito, ginawa niya mismo ang hiningi ng Diyos at kaagad na sinimulan ang paggawa. Kumilos siya alinsunod sa mga tagubilin ng Diyos nang may saloobing nagnanais na magbigay-kasiyahan sa Diyos. Ginagawa ba niya ito upang matulungan ang sarili niya na makaiwas sa sakuna? Hindi. Tinanong ba niya ang Diyos kung gaano pa katagal bago gunawin ang mundo? Hindi. Tinanong ba niya ang Diyos o alam ba niya kung gaano katagal gawin ang arka? Hindi rin niya alam iyon. Sumunod lamang siya, nakinig, at ginawa ang ipinag-uutos. Ang mga tao ngayon ay hindi tulad nito: Sa sandaling may kapirasong impormasyon ang nabunyag sa pamamagitan ng salita ng Diyos, sa sandaling nakadama ang mga tao ng pagkaliskis ng mga dahon dahil sa ihip ng hangin, agad silang kumilos, ano pa man at anuman ang dapat bayaran, upang maihanda ang kanilang kakainin, iinumin, at gagamitin matapos ang sakuna, pinaplano kahit ang dadaanan sa pagtakas kapag dumating ang sakuna. Ang mas kapansin-pansin pa ay, sa mahalagang sandaling ito, ang mga utak ng tao ay napakahusay sa “pagtapos ng gawain.” Sa mga kalagayang hindi nagbigay ang Diyos ng anumang mga tagubilin, kayang magplano ng tao para sa lahat sa napakaangkop na paraan. Maaari ninyong gamitin ang salitang “perpekto” para ilarawan ang ganitong mga plano. Tungkol naman sa kung ano ang sinabi ng Diyos, ano ang mga layunin ng Diyos, o ano ang mga gusto ng Diyos, walang may pakialam, at walang sumubok na pahalagahan ito. Hindi ba iyan ang pinakamalaking pagkakaiba sa mga tao ngayon at kay Noe?

Sa naitalang ito na kuwento ni Noe, may nakikita ba kayong bahagi ng disposisyon ng Diyos? May hangganan ang pagpapasensiya ng Diyos para sa katiwalian, karumihan at karahasan ng tao. Kapag umabot Siya sa hangganang iyon, hindi na Siya magiging mapagpasensiya at sa halip ay sisimulan na ang Kanyang bagong pamamahala at bagong plano, sisimulan nang gawin ang dapat Niyang gawin, ibunyag ang Kanyang mga gawa at ang kabilang bahagi ng Kanyang disposisyon. Ang pagkilos Niyang ito ay hindi upang ipakita na hindi Siya dapat saktan kailanman ng tao o ipakita na Siya ay puno ng awtoridad at poot, at hindi upang ipakita na kaya Niyang wasakin ang sangkatauhan. Ito ay dahil ang Kanyang disposisyon at ang Kanyang banal na diwa ay hindi na makapagpapahintulot o ubos na ang pasensiya na mamuhay ang ganitong uri ng sangkatauhan sa Kanyang harapan, sa ilalim ng Kanyang kapamahalaan. Ang ibig sabihin, kapag ang buong sangkatauhan ay laban sa Kanya, kapag wala na Siyang maaaring iligtas sa buong mundo, wala na Siyang pasensiya para sa ganitong uri ng sangkatauhan, at isasagawa nang walang anumang pag-aalinlangan ang Kanyang plano—ang wasakin ang ganitong uri ng sangkatauhan. Ang ganitong kilos ng Diyos ay itinakda ng Kanyang disposisyon. Ito ay isang hindi maiiwasang kahihinatnan, at isang kahihinatnan na dapat tiisin ng bawat nilikha sa ilalim ng kapamahalaan ng Diyos. Hindi ba nito ipinakikita na sa kasalukuyang panahon, hindi na mahintay ng Diyos na makumpleto ang Kanyang plano at iligtas ang mga taong nais Niyang iligtas? Sa ilalim ng mga kalagayang ito, ano ang pinakamahalaga sa Diyos? Hindi kung paanong ang mga lubusang hindi sumusunod sa Kanya o ang mga lumalaban sa Kanya ay tinatrato o nilalabanan Siya, o kung paano manirang-puri ang mga tao laban sa Kanya. Ang mahalaga lamang sa Kanya ay kung ang mga sumusunod sa Kanya, ang mga pakay ng Kanyang kaligtasan sa Kanyang plano ng pamamahala, ay nagawa na Niyang ganap, kung naging marapat sila sa Kanyang kaluguran. Para sa mga tao na bukod sa mga sumusunod sa Kanya, naglalaan lamang Siya paminsan-minsan ng kaunting kaparusahan upang ipahayag ang Kanyang poot. Halimbawa: mga tsunami, mga lindol, at mga pagputok ng bulkan. Kasabay nito, malakas din Niyang ipinagtatanggol at inaalagaan ang mga sumusunod sa Kanya at mga malapit na Niyang iligtas. Ang disposisyon ng Diyos ay ito: Sa isang dako, maaari Niyang bigyan ang mga taong balak Niyang gawing ganap ng kasukdulang pagpapasensiya at pagpaparaya, at hintayin sila hangga’t makakaya Niya; sa kabilang dako, matindi ang galit at kinasusuklaman ng Diyos ang mala-Satanas na uri ng tao na hindi sumusunod sa Kanya at lumalaban sa Kanya. Bagama’t wala Siyang pakialam kung itong mga mala-Satanas na uri ay sumusunod sa Kanya o sumasamba sa Kanya, kinamumuhian Niya pa rin sila habang pinagpapasensiyahan sila ng Kanyang puso, at sa Kanyang pagtatakda ng katapusan nitong mga mala-Satanas na uri, hinihintay rin Niya ang pagdating ng mga hakbang ng Kanyang plano ng pamamahala.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo I

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 27

Ang Pagpapala ng Diyos kay Noe Matapos ang Baha

Genesis 9:1–6  At binasbasan ng Diyos si Noe at ang kanyang mga anak, at sa kanila’y sinabi, “Kayo’y magpalaanakin, at magpakarami at inyong kalatan ang lupa. At ang takot sa inyo at sindak sa inyo ay mapapasa bawat hayop sa lupa, at sa bawat ibon sa himpapawid; lahat ng umuusad sa lupa, at lahat ng isda sa dagat; ibinibigay sa inyong kamay. Bawat gumagalaw na nabubuhay ay magiging pagkain ninyo; gaya ng mga sariwang pananim na lahat ay ibinibigay Ko sa inyo. Ngunit ang lamang may buhay, na siya niyang dugo, ay huwag ninyong kakanin. At tunay na hihingan Ko ng sulit ang dugo ng inyong mga buhay; sa kamay ng bawat hayop ay hihingan Ko ng sulit, at sa kamay ng tao; sa kamay ng bawat kapatid ng tao ay hihingan Ko ng sulit ang buhay ng tao. Ang sinumang magbubo ng dugo ng tao, sa pamamagitan ng tao ay mabububo ng kanyang dugo: sapagkat sa larawan ng Diyos nilalang ang tao.”

Matapos tanggapin ni Noe ang mga tagubilin ng Diyos at gawin ang arka at mabuhay sa pagdaan ng mga araw kung kailan ay gumamit ang Diyos ng baha upang gunawin ang mundo, nakaligtas ang kanyang pamilyang walong katao. Bukod sa pamilya ni Noe na walong katao, ang lahat ng sangkatauhan ay nalipol, at ang lahat ng nabubuhay sa daigdig ay nalipol. Binigyan si Noe ng Diyos ng mga pagpapala, at may mga sinabi sa kanya at sa kanyang mga anak na lalaki. Ang mga bagay na ito ang ibinigay ng Diyos sa kanya at mga pagpapala rin ng Diyos sa kanya. Ito ang pagpapala at pangakong ibinibigay ng Diyos sa isang taong makapakikinig sa Kanya at makatatanggap ng Kanyang mga tagubilin, at ang paraan rin kung paano nagpapabuya ang Diyos sa mga tao. Ang ibig sabihin, kung si Noe man ay isang perpektong tao o isang matuwid na tao sa mata ng Diyos o hindi, at gaano man karami ang kaalaman niya tungkol sa Diyos, sa madaling salita, si Noe at ang kanyang tatlong anak na lalaki ay nakinig lahat sa mga salita ng Diyos, nakipagtulungan sa gawain ng Diyos, at ginawa ang dapat nilang gawin alinsunod sa mga tagubilin ng Diyos. Bunga nito, napanatili nila ang mga tao at iba’t ibang uri mga nabubuhay para sa Diyos matapos ang pagkagunaw ng mundo sa pamamagitan ng baha, at sa gayon ay nakapag-ambag nang malaki sa susunod na hakbang ng plano ng pamamahala ng Diyos. Dahil sa lahat ng kanyang nagawa, pinagpala siya ng Diyos. Marahil para sa mga tao sa kasalukuyan, ang ginawa ni Noe ay ni hindi karapat-dapat banggitin. Baka iniisip pa ng ilan: “Walang ginawa si Noe; nakapagpasya na ang Diyos na iligtas siya, kaya tiyak na makaliligtas siya. Ang kanyang pagkaligtas ay hindi dahil sa kanyang sariling mga nagawa. Ito ang gusto ng Diyos na mangyari, dahil ang tao ay pasibo.” Ngunit hindi ito ang iniisip ng Diyos. Para sa Diyos, kung ang tao man ay dakila o hamak, basta’t makikinig sila sa Kanya, makasusunod sa Kanyang mga tagubilin at sa Kanyang mga ipinagkakatiwala, at maaaring makipagtulungan sa Kanyang gawain, sa Kanyang kalooban, at sa Kanyang plano, upang matupad nang maayos ang Kanyang kalooban at ang Kanyang plano, ang asal na iyon kung gayon ay karapat-dapat sa Kanyang pag-alaala at pagtanggap ng Kanyang pagpapala. Pinahahalagahan ng Diyos ang ganitong mga tao, at tinatangi Niya ang kanilang mga gawa at ang kanilang pag-ibig at paggiliw para sa Kanya. Ito ang saloobin ng Diyos. Kaya bakit pinagpala ng Diyos si Noe? Dahil ganito ang pagturing ng Diyos sa ganoong mga paggawa at pagsunod ng tao.

Tungkol sa pagpapala ng Diyos kay Noe, sasabihin ng ilan: “Kung ang tao ay makikinig sa Diyos at bibigyang-saya ang Diyos, kung gayon nararapat na pagpalain ng Diyos ang tao. Di ba’t hindi na kailangang banggitin iyan?” Maaari ba nating sabihin iyan? Sabi ng ilang tao: “Hindi.” Bakit hindi natin maaaring sabihin iyan? Sinasabi ng ilang tao: “Ang tao ay hindi karapat-dapat magtamasa ng pagpapala ng Diyos.” Hindi ito lubusang tama. Dahil kapag ang isang tao ay tumanggap ng mga ipinagkakatiwala sa kanila ng Diyos, may pamantayan ang Diyos sa paghusga kung ang mga pagkilos ng isang tao ay mabuti o masama at kung ang taong iyan ay sumunod, at kung ang taong iyan ay nakatupad sa kalooban ng Diyos at kung ang kanyang ginagawa ay nakaabot sa pamantayan. Ang mahalaga sa Diyos ay ang puso ng tao, hindi ang panlabas nilang mga ginagawa. Hindi ito isang kaso na dapat pagpalain ng Diyos ang isang tao basta gumagawa siya ng isang bagay, sa paanong paraan man nila ito ginawa. Ito ay isang maling pagkaunawa ng tao sa Diyos. Hindi lamang tumitingin ang Diyos sa huling resulta ng mga bagay, ngunit mas nagbibigay-diin sa kalagayan ng puso ng tao at sa saloobin ng tao habang nagaganap ang mga bagay, at tinitingnan Niya kung mayroong pagsunod, pagsasaalang-alang, at kagustuhang magbigay-saya sa Diyos sa kanilang puso. Gaano karami ang kaalaman ni Noe tungkol sa Diyos noong panahong iyon? Kasindami ba ng mga doktrinang alam na ninyo ngayon? Sa mga aspeto ng katotohanan tulad ng mga konsepto at kaalaman sa Diyos, nakatanggap ba siya ng kasindaming pagdidilig at pagpapastol tulad ninyo? Hindi! Ngunit may isang katunayang hindi maikakaila: Sa mga kamalayan, mga isipan, at kahit sa kailaliman ng mga puso ng mga tao sa kasalukuyan, ang kanilang mga konsepto at saloobin sa Diyos ay malabo at di-tiyak. Maaari ninyo pa ngang sabihin na may mga taong negatibo ang saloobin tungkol sa pag-iral ng Diyos. Ngunit sa puso ni Noe at sa kanyang kamalayan, ang pag-iral ng Diyos ay walang pasubali at walang alinlangan, at kaya ang kanyang pagsunod sa Diyos ay dalisay at matatag sa pagsubok. Ang kanyang puso ay malinis at bukas sa Diyos. Hindi niya kailangan ng masyadong maraming kaalaman sa mga doktrina upang makumbinsi ang sarili niyang sumunod sa bawat salita ng Diyos, ni hindi rin niya kailangan ng maraming katunayan upang patunayan ang pag-iral ng Diyos upang matanggap niya kung ano ang ipinagkatiwala ng Diyos at makayang gawin ang anumang ipinagagawa sa kanya ng Diyos. Ito ang mahalagang pagkakaiba ni Noe at ng mga tao sa kasalukuyan. Ito rin ang tunay na kahulugan ng kung ano talaga ang isang perpektong tao sa mata ng Diyos. Ang nais ng Diyos ay mga taong tulad ni Noe. Siya ang uri ng taong pinupuri ng Diyos at tiyak din na siya ang uri ng taong pinagpapala ng Diyos. May natanggap ba kayong anumang kaliwanagan mula rito? Ang mga tao ay tumitingin sa mga tao mula sa labas, samantalang ang tinitingnan ng Diyos ay ang mga puso ng mga tao at ang kanilang diwa. Hindi pinapayagan ng Diyos ang sinumang magkaroon ng anumang pagkakahati ng puso o alinlangan tungo sa Kanya, ni hindi rin Niya pinapayagan ang mga taong maghinala o subukin Siya sa anumang paraan. Kaya kahit na ang mga tao sa kasalukuyan ay harap-harapan sa salita ng Diyos—maaari pa nga ninyong sabihin nang harap-harapan sa Diyos—sanhi ng isang bagay na nasa kaibuturan ng kanilang mga puso, ang pag-iral ng kanilang tiwaling diwa, at ang kanilang mapanlaban na saloobin sa Kanya, ang mga tao ay nahahadlangan na magkaroon ng tunay na paniniwala sa Diyos, at nahaharangan sa kanilang pagsunod sa Kanya. Dahil dito, napakahirap para sa kanilang matamo ang pagpapalang tulad ng ipinagkaloob ng Diyos kay Noe.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo I

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 28

Ginagamit ng Diyos ang Bahaghari Bilang Isang Palatandaan ng Kanyang Tipan sa Tao (Mga piling sipi)

Genesis 9:11–13  At Aking pagtitibayin ang Aking tipan sa inyo; ni hindi Ko na lilipulin ang lahat ng laman sa pamamagitan ng tubig ng baha; ni hindi na magkakaroon pa ng bahang gigiba ng lupa. At sinabi ng Diyos, “Ito ang tanda ng tipang ginawa Ko sa inyo, at sa bawat kinapal na may buhay na kasama ninyo sa buong panahon: Ang Aking bahaghari ay inilalagay Ko sa alapaap, at siyang magiging tanda ng tipan Ko at ng lupa.”

Alam ng karamihan sa mga tao kung ano ang bahaghari at nakarinig na sila ng ilang kuwento na may kaugnayan sa mga bahaghari. Tungkol sa kuwento ng bahaghari sa Bibliya, may ilang tao na naniniwala rito at may ilan na itinuturing itong alamat, habang ang iba ay hindi talaga naniniwala rito. Ano pa man, ang lahat ng nangyaring may kaugnayan sa bahaghari ay gawain ng Diyos, at naganap sa proseso ng pamamahala ng Diyos sa tao. Ang mga pangyayaring ito ay naitala nang eksakto sa Bibliya. Hindi sinasabi sa atin ng mga naitalang ito kung ano ang lagay ng damdamin ng Diyos sa panahong iyon o ang mga layunin na nasa likod ng mga salitang ito na sinabi ng Diyos. Higit pa rito, walang makapagpahalaga sa nararamdaman ng Diyos noong sinabi Niya ang mga ito. Subalit ang kalagayan ng isip ng Diyos tungkol sa buong pangyayaring ito ay naihayag sa nakatagong kahulugan ng teksto. Para bang ang Kanyang mga kaisipan ay tumatalon mula sa pahina sa pamamagitan ng bawat salita at parirala ng salita ng Diyos.

Ang mga kaisipan ng Diyos ang dapat na binibigyang-pansin ng mga tao at dapat nilang sinusubukang malaman nang higit sa lahat. Ito ay dahil ang mga naiisip ng Diyos ay malapit na kaugnay sa pagkaunawa ng tao sa Diyos, at ang pagkaunawa ng tao sa Diyos ay isang dugtong na hindi maaaring mawala sa pagpasok ng tao sa buhay. Kaya, ano ang iniisip ng Diyos noong panahong nangyari ang mga ito?

Sa simula, sa mata ng Diyos lumikha Siya ng sangkatauhan na napakabuti at malapit sa Kanya, ngunit sila ay nilipol sa pamamagitan ng baha matapos maghimagsik laban sa Kanya. Nasaktan ba ang Diyos na ang ganoong sangkatauhan ay agad naglaho nang ganoon na lamang? Siyempre, masakit iyon! Kaya ano ang pagpapahayag Niya ng sakit na ito? Paano ito naitala sa Bibliya? Naitala ito sa Bibliya sa mga salitang ito: “At Aking pagtitibayin ang Aking tipan sa inyo; ni hindi Ko na lilipulin ang lahat ng laman sa pamamagitan ng tubig ng baha; ni hindi na magkakaroon pa ng bahang gigiba ng lupa.” Ang simpleng pangungusap na ito ay nagpapahayag ng mga kaisipan ng Diyos. Lubhang napakasakit sa Kanya itong pagkagunaw ng mundo. Sa mga salita ng tao, Siya ay napakalungkot. Maaari nating gunitain: Ano ang anyo ng daigdig na minsan ay puno ng buhay pagkatapos itong ginunaw ng baha? Ano ang hitsura ng daigdig, na minsan ay puno ng mga tao, noong panahong iyon? Walang tahanan na para sa tao, walang mga buhay na nilikha, may tubig kahit saan at isang lubos na pagkawasak sa ibabaw ng tubig. Ang ganito bang eksena ang talagang layunin ng Diyos noong nilikha Niya ang mundo? Siyempre hindi! Ang talagang layunin ng Diyos ay makakita ng buhay sa buong kalupaan, ang makita ang mga taong Kanyang nilikha na sumasamba sa Kanya, hindi para si Noe lang ang nag-iisang sumasamba sa Kanya o ang nag-iisang maaaring tumugon sa Kanyang panawagan na tapusin ang ipinagkatiwala sa kanya. Noong naglaho ang sangkatauhan, nakita ng Diyos ang lubos na kabaligtaran ng talagang nilayon Niya. Paanong hindi masasaktan ang Kanyang puso? Kaya noong ibinubunyag Niya ang Kanyang disposisyon at ipinahihiwatig ang Kanyang mga damdamin, nagpasya ang Diyos. Anong uri ng pasya ang Kanyang ginawa? Ang gumawa ng arko sa ulap (iyon ay ang mga bahagharing nakikita natin) bilang isang tipan sa tao, isang pangako na hindi na muling lilipulin ng Diyos ang sangkatauhan sa pamamagitan ng baha. Kasabay nito, ito ay para sabihin din sa mga tao na ginunaw ng Diyos ang mundo sa pamamagitan ng baha, upang magpakailanman ay maipaalala sa sangkatauhan kung bakit ginawa ng Diyos ang ganoon.

Ang pagkagunaw ba ng mundo noong panahong iyon ay kagustuhan ng Diyos? Tiyak na hindi ito ang gusto ng Diyos. Maaari nating gunitain ang maliit na bahagi ng kaawa-awang anyo ng daigdig matapos ang pagkagunaw ng mundo, ngunit hindi natin magugunita nang sapat kung ano ang anyo ng eksenang ito sa panahong iyon sa mata ng Diyos. Masasabi natin, kung ito man ay mga tao ngayon o noon, walang makagugunita o makapagpapahalaga kung ano ang nararamdaman ng Diyos noong nakita Niya ang eksenang iyon, ang anyong iyon ng mundo pagkatapos itong magunaw sa pamamagitan ng baha. Napilitan ang Diyos na gawin ito dahil sa pagsuway ng tao, ngunit ang sakit na pinagdusahan ng puso ng Diyos mula sa pagkagunaw na ito ng mundo sa pamamagitan ng baha ay isang realidad na walang makakaarok o makakapagpahalaga. Kaya gumawa na ang Diyos ng isang tipan sa tao, at nilayon Niya sa pamamagitan nito na sabihin sa mga tao na alalahanin na minsan ay may ginawa ang Diyos na tulad nito, at upang manumpa sa kanila na hindi na kailanman gugunawing muli ng Diyos ang mundo sa ganoong paraan. Sa tipang ito makikita natin ang puso ng Diyos—makikita natin na ang puso ng Diyos ay nakaramdam ng sakit noong nilipol Niya ang sangkatauhang ito. Sa wika ng tao, noong nilipol ng Diyos ang sangkatauhan at nakitang naglalaho ang sangkatauhan, ang Kanyang puso ay umiiyak at nagdurugo. Hindi ba iyan ang pinakamainam na paraan para mailarawan ito? Ang mga salitang ito ang ginagamit ng mga tao upang ilarawan ang mga damdamin ng tao, ngunit dahil ang wika ng tao ay masyadong kapos, ang gamitin ang mga ito upang ilarawan ang mga nararamdaman at damdamin ng Diyos ay hindi na gaanong masama para sa Akin, at ni hindi rin naman gaanong lumalabis ang mga ito. Kahit paano binigyan kayo ng napakatingkad, napakaangkop na pagkaunawa sa kung ano ang lagay ng damdamin ng Diyos noong panahong iyon. Ano na ang iisipin ninyo ngayon kapag may nakita kayo ulit na bahaghari? Kahit paano, maaalala ninyo kung paano nagdalamhati nang minsan ang Diyos dahil sa pagkakagunaw ng mundo sa pamamagitan ng baha. Maaalala ninyo kung paano, bagama’t kinapootan ng Diyos ang mundong ito at kinamuhian ang sangkatauhang ito, noong nilipol Niya ang mga taong nilikha Niya ng sarili Niyang mga kamay, na ang puso Niya ay nasasaktan, nagpupumilit bumitaw, nag-aatubili, at nahihirapang magtiis. Ang tangi Niyang kinaaliwan ay ang pamilya ni Noe na walong katao. Ang pakikipagtulungan ni Noe ang nagtulot na hindi mawalang-saysay ang Kanyang mga napakaingat na pagsisikap sa paglikha ng lahat ng bagay. Sa panahong nagdurusa ang Diyos, ito lamang ang pampawi sa Kanyang nararamdaman na sakit. Mula noon, inilagay ng Diyos ang lahat ng Kanyang inaasahan sa sangkatauhan sa pamilya ni Noe, umaasang mabubuhay sila sa ilalim ng Kanyang mga pagpapala at hindi sa Kanyang sumpa, umaasang hindi nila kailanman muling makikitang gunawin ng Diyos ang mundo sa pamamagitan ng baha, at umaasa ring hindi sila magugunaw.

Anong bahagi ng disposisyon ng Diyos ang dapat nating matutunan mula rito? Kinamuhian ng Diyos ang tao dahil ang tao ay kumakalaban sa Kanya, ngunit sa Kanyang puso, ang Kanyang pag-aalaga, pagmamalasakit, at awa para sa sangkatauhan ay nanatiling hindi nagbabago. Kahit noong nilipol Niya ang sangkatauhan, ang puso Niya’y nanatiling hindi nagbago. Noong ang sangkatauhan ay napuno ng katiwalian at naging suwail sa Diyos hanggang sa isang nakapanghihinang punto, kinailangan ng Diyos na wasakin ang sangkatauhan, dahil sa Kanyang disposisyon at Kanyang diwa, at alinsunod sa Kanyang mga panuntunan. Ngunit dahil sa diwa ng Diyos, kinaawaan pa rin Niya ang sangkatauhan, at nagnais pang gumamit ng iba’t ibang mga paraan upang tubusin ang sangkatauhan nang makapagpatuloy silang mabuhay. Gayunman, nilabanan ng tao ang Diyos, nagpatuloy na sumuway sa Diyos, at tinanggihan na tanggapin ang pagliligtas ng Diyos, na ang ibig sabihin, tinanggihan na tanggapin ang Kanyang mabubuting layunin. Kahit paano man sila tinawag ng Diyos, pinaalalahanan, tinustusan, tinulungan, o pinagbigyan, hindi ito naunawaan o pinahalagahan ng tao, at ni hindi rin sila nagbigay-pansin. Sa kabila ng sakit Niyang nadama, hindi pa rin kinalimutan ng Diyos na ipagkaloob sa tao ang pinakamataas na antas ng Kanyang pagpaparaya, naghihintay na baliktarin ng tao ang kanyang direksiyon. Matapos Niyang maabot ang Kanyang hangganan, ginawa Niya ang dapat Niyang gawin nang walang anumang alinlangan. Sa madaling sabi, may partikular na panahon at proseso mula sa sandaling binalak ng Diyos na lipulin ang sangkatauhan hanggang sa pagsisimula ng Kanyang gawain na paglipol sa sangkatauhan. Umiral ang ganitong proseso upang bigyang-kakayahan ang tao na baliktarin ang kanyang direksiyon, at ito ang huling pagkakataon na ibinigay ng Diyos sa tao. Kaya ano ang ginawa ng Diyos sa panahong ito bago lipulin ang sangkatauhan? Napakaraming pagpapaalala at masidhing paghihikayat ang ginawa ng Diyos. Kahit gaano pa katindi ang sakit o pighating pinagdadaanan ng puso ng Diyos, patuloy Niyang ibinigay ang Kanyang pag-aalaga, malasakit, at masaganang awa sa sangkatauhan. Ano ang nakikita natin mula rito? Walang duda, nakikita natin na ang pag-ibig ng Diyos para sa sangkatauhan ay totoo at hindi bukang-bibig lamang. Ito ay tunay, nadarama at may halaga, hindi huwad, marumi, mapandaya o mapagkunwari. Hindi kailanman gumagamit ang Diyos ng anumang pandaraya o lumilikha ng mga huwad na larawan para ipakita sa mga taong Siya ay kaibig-ibig. Hindi Siya kailanman gumagamit ng di-tunay na patotoo para maipakita sa mga tao ang Kanyang pagiging kaibig-ibig, o ipangalandakan ang Kanyang pagiging kaibig-ibig at kabanalan. Hindi ba karapat-dapat para sa pag-ibig ng tao ang mga aspetong ito ng disposisyon ng Diyos? Hindi ba karapat-dapat sambahin ang mga ito? Hindi ba karapat-dapat itangi ang mga ito? Sa puntong ito, nais Ko kayong tanungin: Matapos ninyong marinig ang mga salitang ito, sa palagay ba ninyo ang kadakilaan ng Diyos ay pawang mga salita lamang sa isang pilas ng papel? Ang pagiging kaibig-ibig ba ng Diyos ay mga hungkag na salita lamang? Hindi! Tiyak na hindi! Ang pangingibabaw ng Diyos, ang Kanyang kadakilaan, kabanalan, pagpaparaya, pag-ibig, at iba pa—lahat ng detalye ng bawat isa sa iba’t ibang aspeto ng disposisyon at diwa ng Diyos ay nakakakita ng praktikal na pagpapahayag tuwing ginagawa Niya ang Kanyang gawain, ay nakapaloob sa Kanyang kalooban para sa tao, at natutupad at nasasalamin din sa bawat tao. Nadama mo man dati ito o hindi pa, inaalagaan ng Diyos ang bawat tao sa bawat posibleng paraan, gamit ang Kanyang tapat na puso, karunungan, at iba’t ibang kaparaanan upang mapainit ang puso ng bawat tao, at magising ang espiritu ng bawat tao. Ito ay isang di-matututulang katunayan.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo I

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 29

Ginagamit ng Diyos ang Bahaghari Bilang Isang Palatandaan ng Kanyang Tipan sa Tao (Mga piling sipi)

Genesis 9:11–13  At Aking pagtitibayin ang Aking tipan sa inyo; ni hindi Ko na lilipulin ang lahat ng laman sa pamamagitan ng tubig ng baha; ni hindi na magkakaroon pa ng bahang gigiba ng lupa. At sinabi ng Diyos, “Ito ang tanda ng tipang ginawa Ko sa inyo, at sa bawat kinapal na may buhay na kasama ninyo sa buong panahon: Ang Aking bahaghari ay inilalagay Ko sa alapaap, at siyang magiging tanda ng tipan Ko at ng lupa.”

Nilikha ng Diyos ang sangkatauhan; nagawa man silang tiwali o sumusunod sa Kanya, itinuturing ng Diyos ang mga tao bilang mga pinakaitinatangi Niyang minamahal—o gaya ng sinasabi ng mga tao, ang mga taong pinakamahalaga sa Kanya—at hindi bilang mga laruan Niya. Bagama’t sinasabi ng Diyos na Siya ang Lumikha at ang tao ay Kanyang nilikha, na para bang may kaunting pagkakaiba sa katayuan, ang realidad ay lahat ng nagawa ng Diyos para sa sangkatauhan ay sobra-sobra para sa ganitong kalikasan ng relasyon. Mahal ng Diyos ang sangkatauhan, inaalagaan ang sangkatauhan, at nagpapakita ng malasakit para sa sangkatauhan, gayundin ay patuloy at walang-tigil na naglalaan para sa sangkatauhan. Hindi Niya kailanman nararamdaman sa Kanyang puso na ito ay karagdagang gawain o bagay na karapat-dapat bigyan ng malaking parangal. Ni hindi rin Niya nararamdaman na ang pagliligtas sa sangkatauhan, pagtutustos sa kanila, at pagbibigay sa kanila ng lahat ng bagay, ay pagbibigay ng napakalaking ambag sa sangkatauhan. Tahimik at walang-imik lamang Siyang naglalaan para sa sangkatauhan, sa sarili Niyang paraan at sa pamamagitan ng sarili Niyang diwa at kung anong mayroon at kung ano Siya. Gaano man karami ang paglalaan at gaano man karaming tulong ang natatanggap ng sangkatauhan mula sa Kanya, hindi kailanman iniisip o sinusubukan ng Diyos na angkinin ang papuri. Ito ay itinatakda ng diwa ng Diyos, at tiyak rin na isa itong tunay na pagpapahayag ng disposisyon ng Diyos. Ito ang dahilan kung bakit, nakatala man ito o hindi sa Bibliya o sa anumang ibang mga aklat, hindi kailanman natin nakikitang ipinahahayag ng Diyos ang Kanyang mga kaisipan, at hindi kailanman natin nakikitang inilalarawan o ipinahahayag ng Diyos sa mga tao kung bakit Niya ginagawa ang mga bagay na ito, o bakit masyado Niyang kinakalinga ang sangkatauhan, na may layunin na magpasalamat ang sangkatauhan sa Kanya o purihin Siya. Kahit Siya ay nasasaktan, kapag ang Kanyang puso ay may pinagdadaanang matinding sakit, hindi Niya kailanman kinalilimutan ang Kanyang pananagutan sa sangkatauhan o ang Kanyang malasakit para sa sangkatauhan, tinitiis Niya lamang ang lahat ng sakit at kirot nang tahimik at nag-iisa. Sa kabaligtaran, patuloy ang Diyos na naglalaan para sa sangkatauhan tulad ng lagi Niyang ginagawa. Kahit na ang sangkatauhan ay madalas na nagpupuri sa Diyos o nagpapatotoo para sa Kanya, walang kahit na ano sa mga asal na ito ang hinihingi ng Diyos. Ito ay dahil hindi kailanman hinahangad ng Diyos na ang anuman sa mabubuting bagay na ginagawa Niya para sa sangkatauhan ay palitan ng pagkilala ng utang na loob o mabayaran. Sa kabilang dako, ang mga may takot sa Diyos at lumalayo sa kasamaan, ang mga tunay na sumusunod sa Diyos, nakikinig sa Kanya at tapat sa Kanya, at ang mga nakasusunod sa Kanya—ito ang mga tao na madalas na makatatanggap ng mga pagpapala ng Diyos, at igagawad ng Diyos ang ganoong mga pagpapala nang walang pasubali. Higit pa rito, ang mga pagpapalang natatanggap ng mga tao mula sa Diyos ay madalas na higit pa sa kanilang imahinasyon, at higit rin sa anumang mabibigyang-katwiran ng mga tao kapalit ng kanilang nagawa o ng halagang kanilang pinagbayaran. Kapag tinatamasa ng sangkatauhan ang mga pagpapala ng Diyos, mayroon bang nakaaalala sa kung ano ang ginagawa ng Diyos? Mayroon bang nagpapakita ng malasakit para sa nararamdaman ng Diyos? Mayroon bang sinumang sumusubok na bigyang-halaga ang nadaramang sakit ng Diyos? Ang sagot ay isang mariing hindi! Kaya ba ng sinumang tao, kabilang na si Noe, na pahalagahan ang sakit na nadarama ng Diyos sa sandaling iyon? Kaya ba ng sinuman na pahalagahan kung bakit gagawa ng ganoong tipan ang Diyos? Hindi nila kaya! Hindi pinahahalagahan ng sangkatauhan ang nadaramang sakit ng Diyos hindi dahil hindi nila maunawaan ang sakit ng damdamin ng Diyos, at hindi dahil sa agwat na namamagitan sa Diyos at tao o sa pagkakaiba ng kanilang katayuan; sa halip, ito ay dahil walang pakialam ang sangkatauhan sa anumang mga nararamdaman ng Diyos. Ipinapalagay ng sangkatauhan na hindi umaasa sa iba ang Diyos—na hindi kailangan ng Diyos ang mga tao na nagmamalasakit sa Kanya, upang unawain Siya o pakitaan Siya ng pagsasaalang-alang. Ang Diyos ay Diyos, kaya wala Siyang nadaramang sakit, walang mga damdamin; hindi Siya malulungkot, hindi Siya nakadarama ng hinagpis, ni hindi Siya umiiyak. Ang Diyos ay Diyos, kaya hindi Niya kailangan ang anumang pagpapahayag ng damdamin at hindi Niya kailangan ang anumang kaginhawahan ng damdamin. Kung kailanganin man Niya ang mga ito sa ilang pagkakataon, kung gayon ay kaya Niyang makaagapay nang mag-isa at hindi Siya mangangailangan ng anumang tulong mula sa sangkatauhan. Sa kabaligtaran, ang mga mahihina, isip-batang mga tao ang nangangailangan ng pampalubag-loob ng Diyos, paglalaan, pagpapalakas, at kahit ang pag-aaliw Niya sa kanilang mga damdamin sa lahat ng panahon at sa lahat ng lugar. Ang ganoong kaisipan ay nakakubli sa kaibuturan ng mga puso ng sangkatauhan: Ang tao ang mahina; kailangan nila ang Diyos upang alagaan sila sa lahat ng paraan, karapat-dapat sila sa lahat ng pag-aalagang natatanggap nila mula sa Diyos, at dapat nilang hilingin mula sa Diyos ang anumang palagay nila na dapat ay sa kanila. Ang Diyos ang malakas; nasa Kanya ang lahat, at dapat na Siya ang maging tagapag-alaga ng sangkatauhan at tagapagkaloob ng mga pagpapala. Dahil Siya ay Diyos na, makapangyarihan Siya sa lahat at hindi kailanman Siya nangangailangan ng anuman mula sa sangkatauhan.

Dahil hindi nagbibigay-pansin ang tao sa anumang mga pagbubunyag ng Diyos, hindi niya kailanman nadama ang pighati, sakit, o galak ng Diyos. Ngunit sa kabaligtaran, alam ng Diyos ang lahat ng pagpapahayag ng tao tulad ng palad ng Kanyang kamay. Tinutustusan ng Diyos ang mga pangangailangan ng bawat tao sa lahat ng oras at sa lahat ng lugar, pinagmamasdan ang nagbabagong mga kaisipan ng bawat tao at sa gayon ay inaaliw at masidhing hinihikayat sila, at ginagabayan at iniilawan sila. Sa ngalan ng lahat ng bagay na nagawa ng Diyos sa sangkatauhan at lahat ng halagang Kanyang binayaran dahil sa kanila, may makikita bang mga pahayag ang mga tao sa Bibliya o mula sa anumang sinabi ng Diyos hanggang sa ngayon na malinaw na nagsasabing hihingi ang Diyos ng anuman mula sa tao? Wala! Sa kabaligtaran, kahit na paano balewalain ng mga tao ang kaisipan ng Diyos, paulit-ulit pa rin Niyang pinangungunahan ang sangkatauhan, paulit-ulit na tinutustusan ang sangkatauhan at tinutulungan sila, upang makasunod sila sa daan ng Diyos para maabot nila ang magandang hantungan na inihanda Niya para sa kanila. Pagdating sa Diyos, kung anong mayroon at kung ano Siya, ang biyaya Niya, ang awa Niya, at lahat ng pabuya Niya, ay ipagkakaloob nang walang pasubali sa mga nagmamahal at sumusunod sa Kanya. Ngunit hindi Niya kailanman ipinahahayag sa sinumang tao ang sakit na pinagdusahan Niya o ang lagay ng isipan Niya, at hindi Siya kailanman nagrereklamo tungkol sa sinumang hindi nagsasaalang-alang sa Kanya o hindi nakaaalam ng Kanyang kalooban. Dinadala lamang Niya ang lahat ng ito nang tahimik, naghihintay sa araw na mauunawaan ng sangkatauhan.

Bakit Ko sinasabi rito ang mga bagay na ito? Ano ang nakikita ninyo mula sa mga bagay na nasabi Ko? Mayroong isang bagay sa diwa at disposisyon ng Diyos na napakadaling hindi mapansin, isang bagay na kung ano ang mayroon ang Diyos lamang at hindi ninumang tao, kasama yaong sa tingin ng iba ay mga dakilang tao, mabubuting tao, o ang Diyos ng kanilang imahinasyon. Ano ang bagay na ito? Ito ang pagiging hindi makasarili ng Diyos. Kapag nagsasalita tungkol sa pagiging hindi makasarili, maaaring isipin mong ikaw rin ay lubhang hindi makasarili, dahil pagdating sa iyong mga anak, hindi ka kailanman nakikipagbaratan o nakikipagtawaran sa kanila, o iniisip mong ikaw rin ay lubhang hindi makasarili pagdating sa iyong mga magulang. Ano man ang iyong palagay, kahit paano ay may konsepto ka sa salitang “hindi makasarili” at iniisip ito bilang isang positibong salita, at ang pagiging isang tao na hindi makasarili ay napakarangal. Kapag ikaw ay hindi makasarili, mataas ang tingin mo sa iyong sarili. Ngunit walang nakakakita sa pagiging hindi makasarili ng Diyos sa lahat ng bagay, sa mga tao, mga pangyayari, at mga bagay, at sa Kanyang gawain. Bakit ganoon ito? Dahil ang tao ay masyadong makasarili! Bakit Ko sinasabi iyon? Ang sangkatauhan ay nabubuhay sa isang materyal na mundo. Maaaring sumusunod ka sa Diyos, ngunit hindi mo kailanman nakikita o napahahalagahan ang paraan na ang Diyos ay nagtutustos sa iyo, nagmamahal, at nagpapakita ng malasakit para sa iyo. Kaya ano ang nakikita mo? Nakikita mo ang mga kamag-anak mo sa dugo na nagmamahal sa iyo o mapagpalayaw sa iyo. Nakikita mo ang mga bagay na kapaki-pakinabang sa iyong laman, kinakalinga mo ang mga tao at mga bagay na mahal mo. Ito ang tinatawag na pagiging hindi makasarili ng tao. Ngunit ang mga ganitong “hindi makasariling” mga tao ay hindi kailanman nagbibigay-pansin sa Diyos na nagbibigay sa kanila ng buhay. Kung ihahambing iyan sa Diyos, ang pagiging hindi makasarili ng tao ay nagiging makasarili at kasuklam-suklam. Ang pagiging hindi makasarili na pinaniniwalaan ng tao ay hungkag at hindi makatotohanan, may halo, hindi tugma sa Diyos, at hindi kaugnay sa Diyos. Ang pagiging hindi makasarili ng tao ay para sa sarili niya, habang ang pagiging hindi makasarili ng Diyos ay isang tunay na pagbubunyag ng Kanyang diwa. Ang mismong dahilan nito ay ang pagiging hindi makasarili ng Diyos kaya patuloy Niyang tinutustusan ang tao. Maaaring hindi kayo gaanong apektado ng paksang tinatalakay Ko sa araw na ito at pawang tumatango lamang sa pagsang-ayon, ngunit kapag sinusubukan mong pahalagahan ang puso ng Diyos sa iyong puso, matutuklasan mo ito nang hindi sinasadya: Sa lahat ng tao, mga usapin, at mga bagay na nadarama mo sa mundong ito, tanging ang pagiging hindi makasarili ng Diyos ang totoo at tiyak, dahil ang pag-ibig lamang ng Diyos para sa iyo ang walang pasubali at walang dungis. Bukod sa Diyos, ang lahat ng anumang tinatawag na pagiging hindi makasarili ng sinuman ay pawang huwad, mababaw, hindi matapat; mayroon itong layunin, mga tanging hangarin, may kapalit, at hindi kakayaning dumaan sa pagsubok. Maaari ninyo pang sabihin na ito ay marumi at kasumpa-sumpa. Sang-ayon ba kayo sa mga salitang ito?

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo I

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 30

Ginagamit ng Diyos ang Bahaghari Bilang Isang Palatandaan ng Kanyang Tipan sa Tao (Mga piling sipi)

Genesis 9:11–13  At Aking pagtitibayin ang Aking tipan sa inyo; ni hindi Ko na lilipulin ang lahat ng laman sa pamamagitan ng tubig ng baha; ni hindi na magkakaroon pa ng bahang gigiba ng lupa. At sinabi ng Diyos, “Ito ang tanda ng tipang ginawa Ko sa inyo, at sa bawat kinapal na may buhay na kasama ninyo sa buong panahon: Ang Aking bahaghari ay inilalagay Ko sa alapaap, at siyang magiging tanda ng tipan Ko at ng lupa.”

Sa katapusan ng kuwento ni Noe, nakikita nating gumamit ang Diyos ng di-karaniwang paraan upang ipahayag ang Kanyang mga damdamin sa panahong iyon. Ang paraang ito ay lubhang natatangi: ang gumawa ng tipan sa tao na nagpapahayag ng katapusan sa paggamit ng Diyos sa baha upang gunawin ang mundo. Sa panlabas, ang paggawa ng isang tipan ay para bang napakapangkaraniwang bagay. Walang ginagawa dito kundi gumamit ng mga salita upang bigkisin ang magkabilang partido at pigilan sila sa paglabag ng kanilang napagkasuduan para mapangalagaan ang mga kapakanan ng magkabilang panig. Sa anyo, ito ay isang napakapangkaraniwang bagay, ngunit ang nasa likod na mga dahilan at layunin ng paggawa ng Diyos ng bagay na ito ay isang tunay na pagbubunyag ng disposisyon at lagay ng isipan ng Diyos. Kung isasantabi mo lamang ang mga salitang ito at hindi papansinin, kung hindi Ko kailanman sabihin sa inyo ang katotohanan ng mga bagay-bagay, hindi talaga kailanman malalaman ng sangkatauhan ang pag-iisip ng Diyos. Marahil sa iyong imahinasyon ay nakangiti ang Diyos nang ginawa Niya ang tipang ito, o marahil ay seryoso ang mukha Niya, ngunit ano man ang pinakakaraniwang pagpapahayag ng Diyos sa mga imahinasyon ng mga tao, walang sinuman ang makakakita sa puso ng Diyos o sa Kanyang nadaramang sakit, at lalo na ng Kanyang pamamanglaw. Walang makagagawang pagkatiwalaan sila ng Diyos o maging karapat-dapat sa tiwala ng Diyos, o maging isang taong mapagpapahayagan ng Kanyang mga iniisip o mapagbubuksan Niya ng nadarama Niyang sakit. Iyan ang dahilan kung bakit walang ibang maaaring gawin ang Diyos kundi ang gawin ang ganoong bagay. Sa pang-ibabaw, madaling bagay ang ginawa ng Diyos na pagpapaalam sa naunang sangkatauhan, pagsasaayos sa nakaraan at ganap na pagtatapos ng paggunaw Niya sa mundo sa pamamagitan ng baha. Subalit ibinaon ng Diyos ang sakit mula sa sandaling ito sa kaibuturan ng Kanyang puso. Sa panahong walang sinumang mapagbubuksang-loob ang Diyos, gumawa Siya ng tipan sa sangkatauhan, sinasabi sa kanilang hindi na ulit Niya gugunawin ang mundo sa pamamagitan ng baha. Kapag lumilitaw ang bahaghari, ito ay upang ipaalala sa mga tao na minsan ay naganap ang ganoong pangyayari at upang magbabala sa kanila na huwag gumawa ng kasamaan. Kahit na sa ganoong kasakit na kalagayan, hindi kinalimutan ng Diyos ang sangkatauhan at nagpakita pa rin ng napakalaking malasakit para sa kanila. Hindi ba ito ang pag-ibig at pagiging hindi makasarili ng Diyos? Ngunit ano ang iniisip ng mga tao kapag sila ay nagdurusa? Hindi ba’t ito ang panahong pinakakailangan nila ang Diyos? Sa mga panahong tulad nito, laging kinakaladkad ng mga tao ang Diyos palapit sa kanila upang mabigyan Niya sila ng kaginhawahan. Kailanman, hinding-hindi bibiguin ng Diyos ang mga tao, at lagi Niyang bibigyang-kakayahan ang mga tao na makaahon mula sa kanilang mga mabibigat na suliranin at mabuhay sa liwanag. Bagama’t tinutustusan ng Diyos ang sangkatauhan, sa puso ng tao, ang Diyos ay isa lamang pildoras na pampalakas-loob, isang gamot na nakapagpapaginhawa. Kapag ang Diyos ay nagdurusa, kapag sugatan ang Kanyang puso, ang pagkakaroon ng isang nilikha o sinumang taong sasamahan Siya o pagiginhawahin Siya ay walang-dudang isang marangyang pagnanais lamang para sa Diyos. Hindi kailanman pinapansin ng tao ang mga damdamin ng Diyos, kaya hindi kailanman humihingi ang Diyos ni umaasa na mayroong sinumang makaaaliw sa Kanya. Ginagamit lamang Niya ang Kanyang sariling mga pamamaraan upang ipahayag ang lagay ng Kanyang damdamin. Hindi iniisip ng mga tao na malaking paghihirap para sa Diyos ang dumaan sa ilang pagdurusa, ngunit kapag talagang sinubukan mo lamang na maunawaan ang Diyos, kapag totoong napahahalagahan mo ang mga taimtim na hangarin ng Diyos sa lahat ng Kanyang ginagawa, madarama mo ang kadakilaan ng Diyos at ang Kanyang pagiging hindi makasarili. Bagama’t gumawa ang Diyos ng isang tipan sa sangkatauhan gamit ang bahaghari, hindi Niya kailanman sinabi sa kahit kanino kung bakit Niya ginawa ito—bakit Niya itinatag ang tipan na ito—nangangahulugang hindi Niya kailanman sinabi sa kahit kaninuman ang Kanyang totoong mga kaisipan. Ito ay dahil walang sinumang nakaiintindi sa lalim ng pag-ibig na mayroon ang Diyos para sa sangkatauhang nilikha Niya sa pamamagitan ng Kanyang sariling mga kamay, at wala ring sinumang makapagpapahalaga kung gaano talaga kasakit ang pinagdusahan ng Kanyang puso noong nilipol Niya ang sangkatauhan. Kaya kahit sabihin Niya sa mga tao kung ano ang nadarama Niya, hindi nila kayang isagawa ang pagkakatiwalang ito. Kahit nasasaktan Siya, nagpapatuloy pa rin Siya sa susunod na hakbang ng gawain Niya. Laging ibinibigay ng Diyos ang pinakamahusay na panig Niya at ang mga pinakamahusay na bagay sa sangkatauhan habang tahimik na dinadala Niya Mismo ang lahat ng pagdurusa. Hindi kailanman lantarang ipinahahayag ng Diyos ang mga pagdurusang ito. Sa halip, tinitiis Niya ang mga ito at tahimik na naghihintay. Ang pagtitiis ng Diyos ay hindi malamig, manhid, o walang-magawa, ni hindi ito tanda ng kahinaan. Bagkus, ang pag-ibig at diwa ng Diyos ay palaging hindi makasarili. Ito ay isang likas na pagbubunyag ng Kanyang diwa at disposisyon, at isang totoong pagsasakatawan ng pagkakakilanlan ng Diyos bilang ang tunay na Lumikha.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo I

Sinundan: Mga Hantungan at mga Kalalabasan

Sumunod: Pagkilala sa Diyos II

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito