Pagpasok sa Buhay VI
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 556
Tanging sa paghahanap lamang sa katotohanan matatamo ng isang tao ang pagbabago sa kanyang disposisyon: Ito ay isang bagay na kailangang lubos na maintindihan at maunawaan ng mga tao. Kung wala kang sapat na pagkaunawa sa katotohanan, madali kang magkakamali at maliligaw ng landas. Kung nais mong lumago sa buhay, kailangan mong hanapin ang katotohanan sa lahat ng bagay. Anuman ang iyong ginagawa, dapat mong alamin kung paano umasal nang tama upang makaayon sa katotohanan, at tuklasin kung anong mga dungis ang umiiral sa iyong kalooban na lumalabag dito; dapat kang magkaroon ng malinaw na pagkaunawa tungkol sa mga bagay na ito. Anuman ang iyong ginagawa, dapat mong isipin kung ito ba ay nakaayon sa katotohanan o hindi, at kung ito ba ay may halaga at kabuluhan o wala. Maaari mong gawin ang mga bagay na nakaayon sa katotohanan, ngunit hindi mo maaaring gawin ang mga bagay na hindi. Patungkol sa mga bagay na maaari mong gawin o hindi gawin, kung maaaring bitawan ang mga ito, bitawan mo ang mga ito. Kung hindi, kung gagawin mo ang mga bagay na ito nang ilang panahon at kalaunan ay matuklasan mo na dapat mong bitawan ang mga ito, kung gayon ay mabilis na magpasya at bitawan kaagad ang mga ito. Ito ang prinsipyong dapat mong sundan sa lahat ng ginagawa mo. Ito ang tanong ng ilang tao: Bakit napakahirap hanapin ng katotohanan at isagawa ito—na tila ba namamangka ka nang pasalungat sa agos, at maaanod ka pabalik kung tumigil ka sa pagsagwan nang pasulong? Gayunman, bakit ba mas madali talagang gumawa ng masama o walang-kabuluhang mga bagay—kasindali ng pamamangka nang paayon sa agos? Bakit ganoon? Ito ay dahil likas sa tao ang magtaksil sa Diyos. Ang kalikasan ni Satanas ay nangibabaw na sa kalooban ng mga tao, at ito ay isang puwersang mapanlaban. Ang mga taong likas na nagtataksil sa Diyos, mangyari pa, ay malamang na gumawa ng mga bagay na nagtataksil sa Kanya, at natural na mahirap para sa kanila ang kumilos nang positibo. Ganap itong pinagpapasyahan ng kalikasan at diwa ng sangkatauhan. Sa sandaling talagang maunawaan mo ang katotohanan at simulan mong mahalin ito mula sa iyong kalooban, magiging madali na sa iyo na gawin ang mga bagay na naaayon sa katotohanan. Gagawin mo ang iyong tungkulin at isasagawa ang katotohanan nang normal—nang wala pa ngang kahirap-hirap at nang may kagalakan, at mararamdaman mo na mangangailangan ng malaking pagsisikap ang paggawa ng anumang negatibo. Ito ay dahil nangibabaw na ang katotohanan sa puso mo. Kung talagang nauunawaan mo ang mga katotohanan tungkol sa buhay ng tao, mayroon kang landas na susundin pagdating sa kung anong uri ng tao dapat maging, paano maging isang taong walang kapintasan at prangka, isang taong matapat, at isang taong nagpapatotoo sa Diyos at naglilingkod sa Kanya. At sa sandaling maunawaan mo na ang mga katotohanang ito, hindi ka na muling gagawa kailanman ng masasamang gawain na sumusuway sa Kanya, ni hindi mo na muling gagampanan ang papel ng isang huwad na pinuno, isang huwad na manggagawa, o isang anticristo. Kahit nililinlang ka ni Satanas, o sinusulsulan ka ng sinumang masama, hindi mo ito gagawin; sinuman ang sumusubok na pilitin ka, hindi ka pa rin kikilos nang ganoon. Kung matamo ng mga tao ang katotohanan at nagiging buhay nila ang katotohanan, nagagawa nilang kamuhian ang kasamaan at nakadarama sila ng pagkasuklam sa mga negatibong bagay sa kanilang kalooban. Magiging mahirap para sa kanila ang gumawa ng kasamaan, sapagkat nagbago na ang kanilang disposisyon sa buhay at nagawa na silang perpekto ng Diyos.
Kung tunay mong nauunawaan ang katotohanan sa iyong puso, malalaman mo kung paano isagawa ang katotohanan at sundin ang Diyos, at natural na matatahak ang landas ng paghahanap ng katotohanan. Kung tama ang landas na tinatahak mo, at nakaayon ito sa kalooban ng Diyos, hindi ka iiwanan ng gawain ng Banal na Espiritu—kung magkagayon ay mababawasan nang mababawasan ang pagkakataon mong pagtaksilan ang Diyos. Kung wala ang katotohanan, madaling gumawa ng masama, at gagawin mo iyon kahit ayaw mo. Halimbawa, kung mayroon kang mapagmataas at palalo na disposisyon, walang kaibahan kung sabihan kang huwag kalabanin ang Diyos, hindi mo mapigilan ang sarili mo, hindi ito sakop ng kontrol mo. Hindi mo gagawin ito nang sadya; gagawin mo ito dahil nangingibabaw ang iyong likas na pagmamataas at kapalaluan. Dahil sa iyong pagmamataas at kapalaluan, hahamakin mo ang Diyos at hindi mo Siya bibigyan ng halaga; magiging dahilan ang mga ito para dakilain mo ang iyong sarili, palaging ibandera ang iyong sarili; magiging dahilan ang mga ito para hamakin mo ang iba, para wala nang matira sa puso mo kundi ang sarili mo; nanakawan ka ng mga ito ng puwang ng Diyos sa puso mo, at sa huli ay magiging sanhi ang mga ito para ilagay mo ang iyong sarili sa puwesto ng Diyos at hingin sa mga tao na magpasakop sila sa iyo, at magiging dahilan para igalang mo ang sarili mong mga kaisipan, ideya at kuru-kuro bilang katotohanan. Napakaraming kasamaan ang ginagawa ng mga tao dahil nangingibabaw ang kanilang mapagmataas at palalong kalikasan! Upang malutas ang problema ng paggawa ng masama, kailangan muna nilang resolbahin ang kanilang likas na pagkatao. Kung walang pagbabago sa disposisyon, hindi posibleng maghatid ng pangunahing resolusyon sa problemang ito. Kapag mayroon kang kaunting pagkaunawa tungkol sa Diyos, kapag nakikita mo ang sarili mong katiwalian at kinikilala ang pagiging kasuklam-suklam at kapangitan ng kayabangan at kapalaluan, mandidiri ka, masusuka, at mababalisa. Sadya mong magagawa ang ilang bagay upang palugurin ang Diyos at, sa paggawa nito, magiginhawahan ka. Sadya mong magagawang magbasa ng salita ng Diyos, dakilain ang Diyos, magpatotoo sa Diyos, at, sa puso mo, maliligayahan ka. Sadya mong ipapakita ang iyong tunay na pag-uugali, na inilalantad ang sarili mong kapangitan, at sa paggawa nito, bubuti ang pakiramdam mo sa iyong kalooban at madarama mo sa sarili mo na mas mabuti ang kalagayan ng iyong pag-iisip. Ang unang hakbang sa paghahanap ng pagbabago sa iyong disposisyon ay ang hangaring maunawaan ang mga salita ng Diyos at makapasok sa katotohanan. Sa pamamagitan lamang ng pag-unawa sa katotohanan magkakamit ka ng pagkakilala; sa pagkakaroon lamang ng pagkakakilala mo lubusang mauunawaan ang mga bagay-bagay; sa pamamagitan ng lubusang pag-unawa sa mga bagay-bagay saka mo lamang tunay na makikilala ang iyong sarili; sa sandaling tunay mo nang makilala ang iyong sarili saka mo lamang matatalikdan ang laman at sa gayon ay maisasagawa ang katotohanan, na unti-unti kang aakayin tungo sa pagsunod sa Diyos, at sa paisa-isang hakbang, makakatahak ka sa tamang landas sa iyong paniniwala sa Diyos. Konektado ito sa kung gaano kadeterminado ang mga tao kapag nagtataguyod ng katotohanan. Kung talagang desidido ang isang tao, pagkaraan ng anim na buwan o isang taon magsisimula silang tumahak sa tamang landas. Sa loob ng tatlo o limang taon, makakakita sila ng mga resulta, at madarama nila na sumusulong sila sa buhay. Kung naniniwala ang mga tao sa Diyos ngunit hindi hinahangad ang katotohanan, at hindi kailanman tumutuon sa pagsasagawa sa katotohanan, maaari silang maniwala sa loob ng sampu o dalawampung taon nang hindi dumaranas ng anumang pagbabago. At sa bandang huli, iisipin nila na ganoon ang pananalig sa Diyos; iisipin nila na halos kapareho iyon ng dati nilang paraan ng pamumuhay sa sekular na mundo, at walang kabuluhan ang mabuhay. Talagang ipinapakita niyon na kung walang katotohanan, walang kabuluhan ang buhay. Maaaring nagagawa nilang magsabi ng ilang salita ng doktrina, ngunit hindi pa rin sila mapapanatag at mapapakali. Kung may kaunting kaalaman ang mga tao tungkol sa Diyos, alam kung paano mamuhay nang makabuluhan, at kayang gumawa ng ilang bagay upang mapalugod ang Diyos, kung gayon madarama nila na ganito talaga ang buhay, na sa pamumuhay lamang sa ganitong paraan magkakaroon ng kabuluhan ang kanilang buhay, at na kailangang mamuhay sila sa ganitong paraan upang mapalugod ang Diyos, masuklian ang Diyos, at mapanatag ang pakiramdam. Kung maaari nilang sadyang palugurin ang Diyos, isagawa ang katotohanan, talikuran ang kanilang sarili, talikuran ang sarili nilang mga ideya, at maging masunurin at isinasaalang-alang ang kalooban ng Diyos—kung magagawa nilang sadyang gawin ang lahat ng bagay na ito—kung gayon ito ang kahulugan ng tumpak na isagawa ang katotohanan, at tunay na isagawa ang katotohanan. Hindi ito katulad ng dati, na umaasa lang sa mga imahinasyon at pagsunod sa mga tuntunin, at iniisip na pagsasagawa ito ng katotohanan. Sa katunayan, masyadong nakakapagod ang umasa sa mga imahinasyon at sumunod sa mga tuntunin, masyado ring nakakapagod ang hindi pag-unawa sa katotohanan at paggawa ng mga bagay nang walang mga prinsipyo, at mas nakakapagod pa ang pikit-matang paggawa ng mga bagay nang walang mithiin. Kapag nauunawaan mo ang katotohanan, hindi ka mapipigilan ng sinuman o ng anuman, at talagang magkakaroon ka ng kalayaan at ginhawa. Kikilos ka sa maprinsipyong paraan, at mapapanatag at liligaya, at hindi mo madarama na napakalaking pagsisikap ang kailangan dito o napakatinding pagdurusa ang idinudulot nito. Kung may ganitong uri ka ng kalagayan, nasa iyo ang katotohanan at pagkatao, at isa kang taong nagbago na ang disposisyon.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pamamagitan Lamang ng Paghahanap sa Katotohanan Makakagawa ng Pagbabago sa Disposisyon ang Isang Tao
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 557
Sa proseso ng karanasan sa buhay, anuman ang mangyari, dapat mong matutuhang hanapin ang katotohanan, at pagnilayan nang husto ang bagay ayon sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan. Kapag alam mo kung paano gawin ang mga bagay-bagay na lubos na naaayon sa kalooban ng Diyos, magagawa mong pakawalan ang mga bagay-bagay na nagmumula sa sarili mong kagustuhan. Kapag alam mo na kung paano kumilos alinsunod sa kalooban ng Diyos, dapat mo lang gawin ang mga bagay na ito, na parang nagpapatangay ka sa agos. Ang paggawa ng mga bagay-bagay sa ganitong paraan ay nakakapanatag at madali, at ganito ginagawa ng mga taong nakakaunawa sa katotohanan ang mga bagay-bagay. Kung maipapakita mo sa mga tao na talagang epektibo ka kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin, at na may mga prinsipyo sa paggawa mo ng mga bagay-bagay, na talaga ngang nagbago na ang disposisyon mo sa buhay, na marami kang nagawang mabubuting bagay para sa mga hinirang ng Diyos, isa kang taong nakakaunawa sa katotohanan, at tiyak na may wangis ng tao; at totoo nga, may epekto kapag kumakain at umiinom ka ng mga salita ng Diyos. Kapag tunay nang nauunawaan ng isang tao ang katotohanan, makikilala niya ang kanyang iba’t ibang kalagayan, makikita niya nang malinaw ang mga kumplikadong bagay, kaya nga malalaman niya kung paano magsagawa nang tama. Kung hindi nauunawaan ng isang tao ang katotohanan at hindi makilala ang sarili niyang kalagayan, kung nais niyang talikdan ang kanyang sarili, hindi niya malalaman kung ano o kung paano tumalikod. Kung nais niyang talikuran ang sarili niyang kagustuhan, hindi niya malalaman kung ano ang mali sa sarili niyang kagustuhan, iisipin niya na naaayon sa katotohanan ang kanyang sariling kagustuhan, at maaari pa ngang ituring na kaliwanagan ng Banal na Espiritu ang sarili niyang kagustuhan. Paano tatalikuran ng gayong tao ang kanyang sariling kagustuhan? Hindi niya magagawa, at lalo nang hindi niya magagawang talikdan ang laman. Samakatuwid, kapag hindi mo nauunawaan ang katotohanan, madali mong mapagkakamalan na tama at naaayon sa katotohanan ang mga bagay na nagmumula sa sarili mong kagustuhan, mga bagay na nakaayon sa mga kuru-kuro, kabaitan, pagmamahal, pagdurusa, at pagbabayad ng halaga sa pagiging tama at pagiging kaayon sa katotohanan. Kung gayon, paano mo matatalikdan ang mga bagay na ito ng tao? Hindi mo nauunawaan ang katotohanan, at hindi mo alam kung ano ang ibig sabihin ng magsagawa ng katotohanan. Ganap kang walang kaalam-alam at imposibleng malaman mo kung ano ang gagawin, kaya magagawa mo lang ang sa tingin mo ay mabuti, at dahil dito, nakakagawa ka ng mga paglihis sa ilang bagay. Ang ilan sa mga ito ay dahil sa pagsunod sa mga tuntunin, ang ilan ay dahil sa kasigasigan, at ang ilan ay dahil sa paggambala ni Satanas. Ganito ang mga taong hindi nakakaunawa sa katotohanan. Masyado silang pabagu-bago kapag gumagawa sila ng mga bagay-bagay, at walang humpay sa paglihis, nang wala man lang anumang katumpakan. Kakatwa ang paraan ng pagtingin ng mga taong hindi nakakaunawa sa katotohanan sa mga bagay-bagay, tulad lang ng mga hindi nananalig. Paano nila posibleng maisasagawa ang katotohanan? Paano nila posibleng malulutas ang mga problema? Ang pag-unawa sa katotohanan ay hindi isang simpleng bagay. Gaano man kaliit o kalaki ang kakayahan ng isang tao, kahit pagkaraan ng habambuhay na karanasan, limitado ang dami ng katotohanang mauunawaan nila, at limitado rin ang dami ng salita ng Diyos na mauunawaan nila. Ang mga taong medyo mas may karanasan ay mga taong nakakaunawa ng ilang katotohanan, at kadalasang kaya nilang tumigil sa paggawa ng mga bagay na lumalaban sa Diyos, at tumigil sa paggawa ng malilinaw na masasamang bagay. Imposible para sa kanila ang kumilos nang walang halong sarili nilang mga layunin. Dahil normal ang pag-iisip ng mga tao at maaaring hindi palaging umaayon ang mga saloobin nila sa salita ng Diyos, hindi maiiwasang mahaluan iyon ng sarili nilang kagustuhan. Ang mahalaga ay ang magkaroon ng pagkakilala sa lahat ng bagay na nagmumula sa sariling kagustuhan ng isang tao at sumasalungat sa salita ng Diyos, sa katotohanan, at sa kaliwanagan ng Banal na Espiritu. Kinakailangan ka ritong magsumikap na unawain ang salita ng Diyos; kapag naunawaan mo na ang katotohanan, saka ka lang magkakaroon ng pagkakilala, at saka mo lang matitiyak na hindi ka gagawa ng kasamaan.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pamamagitan Lamang ng Paghahanap sa Katotohanan Makakagawa ng Pagbabago sa Disposisyon ang Isang Tao
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 558
Para makilala mo ang iyong sarili, kailangan mong malaman ang iyong sariling mga pagpapahayag ng katiwalian, ang iyong tiwaling disposisyon, ang mga mapanganib na kahinaan ng iyong sarili, ang disposisyon mo, at ang kalikasan at diwa mo. Kailangan mo ring malaman, hanggang sa pinakahuling detalye, yaong mga bagay na nahahayag sa iyong pang-araw-araw na buhay—ang iyong mga motibo, mga pananaw, at saloobin sa bawat bagay—nasa bahay ka man o nasa labas, kapag nasa mga pagtitipon ka, kapag kumakain at umiinom ka ng mga salita ng Diyos, o sa bawat isyung kinakaharap mo. Sa pamamagitan ng mga aspeto na ito dapat mong makilala ang iyong sarili. Siyempre, para makilala mo nang mas malalim ang iyong sarili, kailangan mong sangkapan ang sarili mo ng mga salita ng Diyos; magkakamit ka lamang ng mga resulta kapag nakilala mo ang iyong sarili batay sa Kanyang mga salita. Kapag tumatanggap ng paghatol ng mga salita ng Diyos, huwag matakot na magdusa o masaktan, at bukod pa riyan, huwag matakot na tatagos ang mga salita ng Diyos sa puso ninyo at ilalantad ang pangit ninyong kalagayan. Kapaki-pakinabang na maranasan ang mga bagay na ito. Kung naniniwala kayo sa Diyos, dapat ninyong basahin ang higit pa sa mga salita ng Diyos na humahatol at kumakastigo sa mga tao, lalo na iyong mga naghahayag sa diwa ng katiwalian ng sangkatauhan, dapat ninyong higit na ihambing ang mga iyon sa inyong praktikal na kalagayan, at dapat ninyong higit na iangkop ang mga iyon sa inyong sarili at hindi gaanong iangkop ang iba. Ang mga uri ng kalagayang inihahayag ng Diyos ay umiiral sa bawat tao, at maaaring iangkop ang lahat ng iyon sa inyo. Kung hindi ka naniniwala rito, subukan mong danasin iyon. Habang lalo kang dumaranas, lalo mong makikilala ang iyong sarili, at lalo mong madarama na tumpak na tumpak ang mga salita ng Diyos. Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, walang kakayahan ang ilang tao na iangkop ang mga iyon sa kanilang sarili; akala nila ay hindi tungkol sa kanila ang mga bahagi ng mga salitang ito, kundi sa halip ay tungkol sa ibang mga tao. Halimbawa, kapag inilalantad ng Diyos ang mga tao bilang masasamang babae at mga kalapating mababa ang lipad, nadarama ng ilang kapatirang babae na dahil naging tapat na tapat sila sa kanilang asawa, malamang na hindi tumutukoy sa kanila ang gayong mga salita; nadarama ng ilang kapatid na babae na dahil wala silang asawa at hindi pa nakipagtalik kailanman, malamang na hindi rin tungkol sa kanila ang gayong mga salita. Nadarama ng ilang kapatid na lalaki na para lamang sa mga babae ang mga salitang ito, at walang kinalaman sa kanila; naniniwala ang ilang tao na masyadong matindi ang mga salita ng paghahayag ng Diyos, na hindi umaayon ang mga iyon sa realidad, kaya ayaw nilang tanggapin ang mga iyon. Mayroon pang mga taong nagsasabi na sa ilang pagkakataon, mali ang mga salita ng Diyos. Ito ba ang tamang saloobin sa mga salita ng Diyos? Malinaw na mali ito. Tinitingnan ng lahat ng tao ang kanilang sarili batay sa kanilang panlabas na mga pag-uugali. Wala silang kakayahang pagnilayan ang kanilang mga sarili, at makilala ang kanilang tiwaling diwa, sa gitna ng mga salita ng Diyos. Dito, ang “masasamang babae” at “mga bayarang babae” ay tumutukoy sa diwa ng katiwalian, sa karumihan, at kawalan ng delikadesa ng sangkatauhan. Lalaki man o babae, may-asawa o wala, lahat ay mayroong mga tiwaling saloobin ng kawalan ng delikadesa—kaya paano ito mawawalan ng kinalaman sa iyo? Inilalantad ng mga salita ng Diyos ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao; lalaki man o babae, pareho ang antas ng katiwalian ng tao. Hindi ba totoo ito? Bago gumawa ng iba pang bagay, dapat nating mapagtanto na ang lahat ng sinasabi ng Diyos ay katotohanan, at nakaayon sa mga totoong pangyayari, at na kahit gaano pa katindi ang Kanyang mga salita na humahatol at naglalantad sa mga tao, o gaano man kalumanay ang mga salitang nagbabahagi ng katotohanan o umuudyok sa mga tao, paghatol man o mga pagpapala ang mga salitang ito, mga pagkondena man o mga pagsumpa ang mga ito, nasasaktan man nito ang mga tao o nabibigyang-kasiyahan, dapat tanggapin ng mga tao ang lahat ng ito. Iyon ang saloobing dapat taglayin ng mga tao sa mga salita ng Diyos. Anong uri ng saloobin ito? Ito ba ay isang saloobing makadiyos, isang taos na saloobin, isang saloobing mapagpasensya, o isang saloobing tumatanggap ng pagdurusa? Medyo nalilito kayo. Sinasabi Ko sa inyo na hindi ito anuman sa mga ito. Sa kanilang pananampalataya, dapat matatag na panindigan ng mga tao na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan. Dahil ang mga ito nga ang katotohanan, dapat tanggapin ng mga tao ang mga ito nang makatwiran. Kinikilala o inaamin man nila ito o hindi, ang una nilang saloobin sa mga salita ng Diyos ay dapat lubos na pagtanggap. Kung hindi ka inilalantad ng salita ng Diyos, sino ang inilalantad niyon? At kung hindi iyon para ilantad ka, bakit ka sinasabihang tanggapin iyon? Hindi ba ito isang kontradiksyon? Nangungusap ang Diyos sa buong sangkatauhan, bawat pangungusap na binigkas ng Diyos ay naglalantad sa tiwaling sangkatauhan, at walang hindi kasali rito—kaya natural na kasama ka rin. Wala ni isa sa mga linya ng mga binigkas ng Diyos ang tungkol sa mga panlabas na hitsura, o uri ng kalagayan, lalo na tungkol sa mga patakarang panlabas o sa isang simpleng klase ng pag-uugali sa mga tao. Hindi ganoon ang mga iyon. Kung sa tingin mo ay paghahayag lang ng isang simpleng uri ng pag-uugali ng tao o panlabas na pagpapakita ang bawat linyang binigkas ng Diyos, wala kang espirituwal na pang-unawa at hindi mo nauunawaan kung ano ang katotohanan. Ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan. Nadarama ng mga tao ang kalaliman ng mga salita ng Diyos. Paano naging malalim ang mga ito? Inilalantad ng bawat salita ng Diyos ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao, at ang mga bagay na mahalaga at malalim na nakaugat sa kanilang buhay. Mahalaga ang mga bagay na ito, hindi mga panlabas na hitsura, at lalo nang hindi mga pag-uugali sa labas. Sa pagtingin sa mga tao mula sa kanilang mga panlabas na anyo, maaaring mukhang mabubuting tao silang lahat. Ngunit bakit sinasabi ng Diyos na ang ilang tao ay masasamang espiritu at ang ilan ay maruruming espiritu? Ito ay isang bagay na hindi mo nakikita. Kaya, kailangan ay hindi tratuhin ng isang tao ang mga salita ng Diyos ayon sa mga haka-haka o imahinasyon ng tao, o ayon sa sabi-sabi ng tao, at lalong hindi ayon sa mga pahayag ng naghaharing partido. Ang mga salita lamang ng Diyos ang katotohanan; lahat ng salita ng tao ay mali. Matapos mabahaginan nang gayon, nakaranas na ba kayo ng pagbabago sa inyong saloobin sa mga salita ng Diyos? Gaano man kalaki o kaliit ang pagbabago, sa susunod na mabasa ninyo ang mga salita ng Diyos na humahatol at nagbubunyag sa mga tao, kahit paano ay hindi ninyo dapat subukang mangatwiran sa Diyos. Dapat kayong tumigil sa pagrereklamo tungkol sa Diyos, sinasabing, “Talagang matindi ang mga salita ng paghahayag at paghatol ng Diyos; hindi ko babasahin ang pahinang ito. Lalaktawan ko na lang ito. Maghahanap ako ng mababasa tungkol sa mga pagpapala at pangako, para maginhawahan ako nang kaunti.” Dapat ay hindi na ninyo basahin ang salita ng Diyos sa pamamagitan ng pagpiling mabuti ayon sa inyong sariling mga hilig. Dapat ninyong tanggapin ang katotohanan at ang paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos; saka lamang malilinis ang inyong tiwaling disposisyon, saka lamang kayo magtatamo ng kaligtasan.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Kahalagahan ng Paghahangad sa Katotohanan at ang Landas ng Paghahangad Nito
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 559
Ano ang pagkaunawa mo sa kalikasan ng tao? Ang talagang ibig sabihin ng pag-unawa sa kalikasan mo ay ang paghimay sa mga bagay na nasa kaluluwa mo—ang mga bagay na nasa buhay mo, at ang lahat ng lohika at pilosopiya ni Satanas na ipinamumuhay mo—na siyang buhay ni Satanas na ipinamumuhay mo. Mauunawaan mo lamang ang kalikasan mo sa pamamagitan ng paglalantad ng mga bagay na nasa kaibuturan ng iyong kaluluwa. Paano mailalantad ang mga bagay na ito? Hindi mailalantad o mahihimay ang mga ito sa pamamagitan lamang ng isa o dalawang pangyayari; kadalasan, pagkatapos mong matapos ang isang bagay, hindi mo pa rin ito nauunawaan. Maaaring umabot ng tatlo o limang taon bago ka makapagtamo ng kahit katiting na pagkatanto at pagkaunawa. Kaya, sa maraming sitwasyon, kailangan mong pagnilayan at kilalanin ang sarili mo. Kailangan mong tignan ang nasa loob mo at lubusang suriin ang iyong sarili batay sa mga salita ng Diyos, upang makakita ka ng anumang resulta. Habang lumalalim nang lumalalim ang pagkaunawa mo sa katotohanan, unti-unti mong malalaman ang sarili mong kalikasan at diwa sa pamamagitan ng pagninilay sa sarili at pagkilala sa sarili.
Para malaman mo ang kalikasan mo, kailangan mong magsagawa ng ilang bagay. Una, kailangan mong magkaroon ng malinaw na pagkaunawa kung ano ang gusto mo. Hindi ito tumutukoy sa gusto mong kainin o isuot; sa halip, tumutukoy ito sa mga uri ng bagay na kinasisiyahan mo, mga bagay na kinaiinggitan mo, mga bagay na sinasamba mo, mga bagay na hinahanap mo, at mga bagay na pinagtutuunan ng puso mo, mga uri ng tao na nasisiyahan kang makaugnayan, at mga uri ng tao na hinahangaan at iniidolo mo sa puso mo. Halimbawa, karamihan sa mga tao ay gusto ang mga taong mataas ang katayuan, mga taong eleganteng magsalita at kumilos, o gusto nila yaong mahuhusay at mapagpuri magsalita o yaong mga mapagkunwari. Ang mga nabanggit ay tungkol sa mga taong gusto nilang makahalubilo. Pagdating naman sa mga bagay na nagpapasaya sa mga tao, kabilang dito ang kahandaang gawin ang ilang bagay na madaling gawin, kasiyahang gawin ang mga bagay na itinuturing ng iba na mabuti at na makapaghihikayat sa mga tao na umawit ng papuri at magbigay ng papuri. Sa kalikasan ng mga tao, may karaniwang katangian ang mga bagay na gusto nila. Ibig sabihin, gusto nila ang mga tao, mga pangyayari at mga bagay na kinaiinggitan ng iba dahil sa mga panlabas na kaanyuan, gusto nila ang mga tao, mga pangyayari at mga bagay na talagang magaganda at mararangya, at gusto nila ang mga tao, mga pangyayari at mga bagay na nagagawa ang ibang sambahin sila. Itong mga bagay na kinagigiliwan ng mga tao ay magaganda, maniningning, maririkit, at mariringal. Sinasamba ng lahat ng tao ang mga ito. Makikita na ang mga tao ay hindi nagtataglay ng anumang katotohanan, at wala ring wangis ng mga tunay na tao. Wala ni katiting na kabuluhan sa pagsamba sa mga bagay na ito, subalit gusto pa rin ito ng mga tao. Ang mga bagay na ito na gusto ng mga tao ay tila lalo nang mabuti sa mga hindi naniniwala sa Diyos, at ito ang lahat ng bagay na lalo nang handang hangarin ng mga tao. … Ang mga bagay na hinahangad at kinasasabikan ng mga tao ay nabibilang sa mga makamundong kalakaran, ang mga bagay na ito ay kay Satanas at sa mga diyablo, kinasusuklaman ng Diyos ang mga ito, at walang anumang katotohanan. Nabubunyag ang likas na pagkatao at diwa ng mga tao mula sa mga bagay na hilig nilang kasabikan. Maaaring makita ang mga kagustuhan ng mga tao sa paraan ng kanilang pananamit: Ang ilang tao ay handang magsuot ng nakakaakit ng pansin, makukulay na damit, o mga kakaibang kasuotan. Magsusuot sila ng mga aksesorya na wala pang sinumang nakapagsuot noon, at gusto nila ang mga bagay na makakaakit sa kasalungat na kasarian. Ang pagsusuot nila ng mga damit at aksesoryang ito ay nagpapakita ng kagustuhan nila para sa mga bagay na ito sa kanilang buhay at sa kaibuturan ng kanilang puso. Hindi marangal o disente ang mga bagay na gusto nila. Ang mga ito ay hindi mga bagay na dapat hangarin ng isang normal na tao. Mayroong pagiging hindi matuwid sa pagkakagusto nila sa mga ito. Ang kanilang pananaw ay kaparehong-kapareho ng sa mga makamundong tao. Ang isang tao ay walang makikitang alinmang bahagi nito na tumutugma sa katotohanan. Samakatuwid, ang gusto mo, ang pinagtutuunan mo, ang sinasamba mo, ang kinaiinggitan mo, at ang iniisip mo sa iyong puso araw-araw ay lahat kinakatawan ang iyong kalikasan. Ang pagkahilig mo sa mga makamundong bagay ay sapat na para patunayan na kinagigiliwan ng kalikasan mo ang pagiging hindi matuwid, at sa mga seryosong sitwasyon, masama at wala nang lunas ang kalikasan mo. Dapat mong suriin ang kalikasan mo sa ganitong paraan: Siyasatin mo ang kinagigiliwan mo at ang tinatalikdan mo sa buhay mo. Maaring mabait ka sa isang tao sa isang panahon, ngunit hindi nito pinatutunayan na kinagigiliwan mo sila. Ang tunay na kinagigiliwan mo ay kung ano eksakto ang nasa kalikasan mo; kahit pa mabali ang mga buto mo, masisiyahan ka pa rin dito at hindi mo ito matatalikdan kailanman. Ito ay hindi madaling baguhin. Pag-usapan natin ang paghahanap ng mapapangasawa, halimbawa, hinahanap ng mga tao ang mga taong katulad nila ang tipo. Kung talagang umibig ang isang babae sa isang tao, kung gayon walang makakapigil sa kanya. Kahit baliin ang kanyang mga binti, gugustuhin pa rin niyang makasama siya; gugustuhin niyang magpakasal sa kanya kahit mangahulugang kailangang mamatay siya. Paano nangyari ito? Ito ay dahil walang makapagpapabago sa nasa kaibuturan ng mga buto ng mga tao, sa nasa kaibuturan ng kanilang mga puso. Kahit namatay ang isang tao, parehong mga bagay pa rin ang gugustuhin ng kanyang kaluluwa; likas na sa tao ang mga bagay na ito, at kumakatawan ang mga ito sa pinakadiwa ng isang tao. Ang mga bagay na kinagigiliwan ng mga tao ay naglalaman ng ilang kawalang-katarungan. Halata sa ilan ang pagkagiliw nila sa mga bagay na iyon, samantalang sa iba ay hindi; ang ilan ay napakalaki ng pagkagusto sa mga ito, samantalang ang iba ay hindi; napipigil ng ilang tao ang kanilang sarili, samantalang hindi mapigil ng iba ang kanilang sarili. Malamang na mabaon ang ilang tao sa madidilim at masasamang bagay, na nagpapatunay na wala silang taglay na buhay. Nagagawa ng ilang tao na mapangibabawan ang mga tukso ng laman at hindi magpagambala at magpapigil sa mga bagay na iyon, na nagpapatunay na mayroon silang kaunting tayog at na nagbago na nang kaunti ang kanilang mga disposisyon. Nauunawaan ng ilang tao ang ilang katotohanan at nadarama na mayroon silang buhay at na mahal nila ang Diyos. Sa katunayan, napakaaga pa, at ang pagdanas ng pagbabago sa disposisyon ng isang tao ay hindi isang simpleng bagay. Madali bang unawain ang kalikasan at diwa ng isang tao? Kahit nakakaunawa nang kaunti ang isang tao, dapat niyang pagdaanan ang maraming pasikut-sikot para makamit ang pag-unawang iyon, at kahit may kaunting pagkaunawa, hindi madali ang pagbabago. Ito ang lahat ng paghihirap na kinakaharap ng mga tao, at hindi makikilala ng mga tao ang kanilang sarili kung ayaw nilang hangarin ang katotohanan. Paano man maaaring magbago ang mga tao, usapin, o bagay-bagay sa iyong paligid at paano man bumaligtad ang mundo, kung ginagabayan ka ng katotohanan mula sa loob, kung nag-ugat na ito sa iyong loob at ginagabayan ng mga salita ng Diyos ang buhay mo, mga kagustuhan mo, mga karanasan mo at pag-iral mo, sa puntong iyon ay tunay ka nang nagbago. Ngayon, ang tinatawag na pagbabago ng mga tao ay bahagyang pakikipagtulungan lamang, kakayahang atubiling tanggapin ang pagtatabas at pagwawasto, maagap na pagganap sa kanilang mga tungkulin, at pagkakaroon ng kaunting kasigasigan at pananampalataya, ngunit hindi ito maituturing na pagbabago ng disposisyon at hindi nito pinatutunayan na may buhay ang mga tao; mga kagustuhan at hilig lamang ito ng mga tao—wala nang iba.
Upang makamit ang pagkaunawa sa mga likas na pagkatao, bukod sa pagtuklas sa mga bagay na kinagigiliwan ng mga tao sa kanilang mga likas na pagkatao, kailangan ding tuklasin ang ilan sa mga pinakamahalagang aspetong may kinalaman sa kanilang likas na pagkatao. Halimbawa, ang mga pananaw ng mga tao sa mga bagay-bagay, ang mga pamamaraan at mga mithiin ng mga tao sa buhay, ang mga pinahahalagahan ng mga tao sa buhay at mga pananaw sa buhay, pati na rin ang mga pananaw nila tungkol sa lahat ng bagay na may kaugnayan sa katotohanan. Lahat ng ito ay umiiral sa kaibuturan ng kaluluwa ng mga tao at may direktang kaugnayan ang mga ito sa pagbabago ng disposisyon. Ano, kung gayon, ang pananaw sa buhay ng tiwaling sangkatauhan? Masasabi na ito iyon: “Ang bawat tao para sa kanyang sarili, bahala na ang iba.” Lahat ng tao ay nabubuhay para sa kanilang sarili; sa deretsahang salita, nabubuhay sila para sa laman. Nabubuhay sila para lamang kumain. Paano naiiba ang pag-iral na ito sa pag-iral ng mga hayop? Walang anumang halaga sa pamumuhay nang ganito, at lalong wala itong anumang kabuluhan. Ang pananaw sa buhay ng isang tao ay tungkol sa kung saan ka umaasa para mabuhay sa mundo, para saan ka nabubuhay, at paano ka namumuhay—at ang mga ito ay lahat ng bagay na dapat gawing may pinakadiwa ng likas na pagkatao ng tao. Sa pamamagitan ng pagsusuri sa likas na pagkatao ng mga tao, makikita mo na lahat ng tao ay nilalabanan ang Diyos. Mga diyablo silang lahat at walang totoong mabuting tao. Sa pamamagitan lamang ng pagsusuri sa likas na pagkatao ng mga tao mo malalaman ang katiwalian at diwa ng tao at mauunawaan kung saan talaga nabibilang ang mga tao, ano talaga ang kulang sa mga tao, ano ang dapat nilang isangkap sa kanilang sarili, at paano sila dapat mamuhay na kawangis ng tao. Hindi madaling tunay na suriin ang likas na pagkatao ng isang tao, at hindi ito magagawa nang hindi nararanasan ang mga salita ng Diyos o nagkakaroon ng tunay na mga karanasan.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Dapat Malaman Tungkol sa Pagbabago ng Disposisyon ng Isang Tao
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 560
Paano malalaman ang kalikasan ng isang tao? Anong mga bagay ang bumubuo sa kalikasan ng isang tao? Ang alam mo lamang ay ang mga kakulangan, depekto, intensiyon, kuru-kuro, pagkanegatibo, at pagsuway ng tao, at hindi mo nagagawang tuklasin ang mga bagay na nasa kaibuturan ng kalikasan ng tao. Ang alam mo lamang ay ang panlabas na anyo, nang hindi nagagawang tuklasin ang pinagmulan nito at hindi ito nagsisilbing kaalaman tungkol sa kalikasan ng tao. Umaamin ang ilang tao sa kanilang mga kakulangan at pagkanegatibo, sinasabi nilang, “Nauunawaan ko ang kalikasan ko; nakikita mong kinikilala ko ang aking kayabangan. Hindi ba’t pagkaalam iyon sa kalikasan ko?” Ang kayabangan ay bahagi ng kalikasan ng tao, na talagang totoo iyan. Gayunman, hindi sapat na kilalanin iyan ayon sa pakahulugan ng doktrina. Ano ang ibig sabihin ng malaman ang sariling kalikasan? Paano ito malalaman? Mula sa anong mga aspeto ito nalalaman? Paano ba talaga dapat mahiwatigan ang kalikasan ng isang tao mula sa mga bagay na kanyang ibinubunyag? Una sa lahat, makikita mo ang kalikasan ng tao sa pamamagitan ng kanyang mga interes. Halimbawa, ang ilang tao ay talagang hinahangaan ang mga sikat at tanyag na tao, ang ilan naman ay talagang mahilig sa mga mang-aawit o sa mga artista sa pelikula, at ang ilan ay talagang mahilig sa mga laro. Mula sa mga hilig na ito, makikita natin kung ano ang likas na pagkatao ng mga taong ito. Narito ang simpleng halimbawa: Maaaring talagang iniidolo ng ilan ang isang partikular na mang-aawit. Hanggang sa anong punto nila siya iniidolo? Hanggang sa puntong nahuhumaling na sila sa bawat galaw, bawat ngiti, bawat salita ng mang-aawit na ito. Nakatutok sila sa mang-aawit, at kinukunan pa nila ng litrato ang lahat ng isinusuot ng mang-aawit na ito at ginagaya iyon. Ano ang ipinapakitang isyu ng ganitong antas ng pag-idolo sa isang tao? Ipinapakita nito na ang mga bagay ng hindi nananalig lang ang nasa puso ng gayong tao, at wala sa kanya ang katotohanan, wala siyang mga positibong bagay, at lalong wala ang Diyos sa kanyang puso. Ang lahat ng mga bagay na iniisip, minamahal, at hinahangad ng taong ito ay mula kay Satanas; nananahan ang mga ito sa puso ng taong ito, na bumigay na sa mga bagay na iyon. Masasabi ba ninyo kung ano ang diwa at kalikasan niya? Kung sukdulan ang pagmamahal sa isang bagay, maaaring ang bagay na iyon ay maging buhay ng isang tao at sakupin ang kanyang puso, na lubos na nagpapatunay na ang taong iyon ay sumasamba sa idolo at ayaw sa Diyos at sa halip ay minamahal ang diyablo. Samakatuwid, masasabi natin na ang kalikasan ng gayong tao ay isa na nagmamahal at sumasamba sa diyablo, hindi nagmamahal sa katotohanan, at ayaw sa Diyos. Hindi ba ito ang tamang pagmalas sa kalikasan ng isang tao? Ganap na tama ito. Ganito hinihimay ang kalikasan ng tao. Halimbawa, partikular na iniidolo ng ilang tao si Pablo. Gusto nilang lumabas at magbigay ng mga talumpati at gumawa, gusto nilang dumadalo sa mga pagtitipon at mangaral, at gusto nila na pinakikinggan sila ng mga tao, sinasamba sila, at umiikot sa kanila. Gusto nilang magkaroon ng katayuan sa isipan ng iba, at natutuwa sila kapag pinahahalagahan ng iba ang larawang ipinakikita nila. Suriin natin ang kanilang kalikasan mula sa mga pag-uugaling ito: Ano ang kanilang likas na pagkatao? Kung ganito talaga silang kumilos, sapat na iyan upang ipakita na sila ay mayabang at hambog. Hindi talaga nila sinasamba ang Diyos; naghahangad sila ng mas mataas na katayuan at nangangarap na magkaroon ng awtoridad sa iba, na ariin sila, at magkaroon ng katayuan sa kanilang isipan. Ito ang klasikong larawan ni Satanas. Ang namumukod na mga aspeto ng kanilang kalikasan ay kayabangan at kahambugan, ayaw nilang sambahin ang Diyos, at nais nilang sambahin sila ng iba. Ang gayong mga pag-uugali ay maaaring magbigay sa iyo ng napakalinaw na pagtingin sa kanilang likas na pagkatao. Halimbawa, gustong-gusto ng ilang tao na makalamang nang di-patas sa kapinsalaan ng iba, at hangad ng mga taong ito na matupad ang kanilang mga pansariling interes sa lahat ng bagay. Anumang ginagawa nila ay dapat makinabang sila, o kung hindi, hindi nila ito gagawin. Hindi nila pinagkakaabalahan ang anumang bagay maliban na lamang kung binibigyan sila ng mga ito ng ilang pakinabang, at may lihim na mga motibo sa likod ng lahat ng kanilang kilos. Nagsasalita sila nang mabuti patungkol sa sinumang pinakikinabangan nila at pinupuri nila ang sinumang nambobola sa kanila. Kahit na may mga problema ang kanilang mga paborito, sasabihin nilang tama ang mga taong iyon at pagsisikapan silang pagtakpan at ipagtanggol. Anong kalikasan mayroon ang ganoong mga tao? Ganap mong makikita nang malinaw ang kanilang kalikasan mula sa mga asal na ito. Pinagsisikapan nilang makalamang nang di-patas sa pamamagitan ng kanilang mga kilos, laging nakikibahagi sa bawat sitwasyon nang may mala-transaksyong asal, at makatitiyak ka na ang kanilang kalikasan ay isa na may buong-pusong pagnanasa sa pakinabang. Sarili lamang nila ang kanilang iniisip sa lahat ng bagay na kanilang ginagawa. Hindi sila babangon nang maaga maliban na lamang kung makikinabang sila na gawin ito; sila ang pinakamakasarili sa lahat ng tao, lubusang walang pagkakuntento. Ang kanilang kalikasan ay naipapakita sa pamamagitan ng kanilang pagmamahal sa pakinabang at kawalan ng anumang pagmamahal sa katotohanan. Ang ilang kalalakihan ay nabibighani ng mga kababaihan, laging nakikipaglokohan sa kanila saanman sila magpunta. Ang magagandang babae ay tampulan ng pagsuyo ng gayong mga tao at humahawak sa pinakamataas na pagpapahalaga sa kanilang mga puso. Handa silang ibigay ang kanilang mga buhay, at isakripisyo ang lahat, para sa magagandang babae; ang mga babae ang siyang pumupuno sa kanilang mga puso. Ano ang kalikasan ng mga lalaking ito? Ang kalikasan nila ay ang umibig sa magagandang babae, at ang sambahin ang mga ito, at mahalin ang kasamaan; sila ay mga mahahalay na may masama at sakim na kalikasan. Bakit natin nasasabing ito ang kalikasan nila? Ang kanilang mga kilos ay naghahayag ng sakim na kalikasan; ang mga pag-uugaling ito ay hindi lamang basta mga paminsan-minsang paglabag, ni ang gayong mga tao ay mas malala lamang nang bahagya kaysa sa ordinaryong mga tao, sa halip, nakasanayan nila na maging lubusang abala sa mga bagay na ito, na naging mismong kalikasan at diwa na nila. Samakatuwid, ang mga bagay na ito ay naging mga pagpapakita ng kanilang kalikasan. Ang mga sangkap ng likas na pagkatao ng isang tao ay palaging inihahayag ang sarili nito. Anumang ginagawa ng isang tao, anuman iyon, ay maaaring maihayag ang likas na pagkatao ng taong iyon. May sariling mga motibo at layon ang mga tao para sa lahat ng ginagawa nila, at mabuting pakikitungo man iyon, pangangaral ng ebanghelyo, o anumang iba pang uri ng gawain, maaaring ihayag ng mga iyon ang mga bahagi ng kanilang likas na pagkatao nang hindi nila namamalayan, dahil ang likas na pagkatao ng isang tao ay ang buhay niya, at ang mga tao ay inuudyukan ng kanilang likas na pagkatao habang nabubuhay sila. Ang likas na pagkatao ng isang tao ay hindi nahahayag nang paminsan-minsan o nagkataon lang; sa halip, maaari itong lubos na kumatawan sa diwa ng taong iyon. Lahat ng dumadaloy mula sa mga buto at dugo ng mga tao ay kumakatawang lahat sa kanilang likas na pagkatao at buhay. Ang ilang tao ay mahilig sa magagandang babae. Ang iba ay mahilig sa pera. Ang ilan ay partikular na mahilig sa katayuan. Ang ilan ay talagang nagpapahalaga sa reputasyon at sa kanilang personal na imahe. Ang ilan ay partikular na mahilig o sumasamba sa mga idolo. At ang ilang tao ay masyadong mayabang at palalo, hindi sumusuko kaninuman sa puso nila at nagsusumikap na magkaroon ng katayuan, gusto nilang mamukod-tangi sa iba at magkaroon ng awtoridad sa kanila. May iba’t ibang uri ng iba-ibang likas na pagkatao, at maaaring maiba ang mga ito sa mga tao, pero ang karaniwang elemento ng mga ito ay ang paglaban at pagtataksil sa Diyos. Sa gayong paraan ay magkakapareho silang lahat.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Malalaman ang Kalikasan ng Tao
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 561
Nagawa nang tiwali ni Satanas ang buong sangkatauhan, at ang kalikasan ng tao ay ang ipagkanulo ang Diyos. Gayunman, sa lahat ng taong nagawa nang tiwali ni Satanas, may ilang kayang magpasakop sa gawain ng Diyos at tumanggap sa katotohanan; sila yaong maaaring magtamo ng katotohanan at magkamit ng pagbabago ng disposisyon. Ang ilang tao ay hindi hinahangad ang katotohanan, at sa halip ay nagpapatangay lang sa agos. Susundin nila at gagawin ang anumang ipagawa mo sa kanila, kaya nilang tumalikod at gumugol, at kaya nilang tiisin ang anumang pagdurusa. Kakatiting ang konsensya at katwiran ng gayong mga tao, at umaasa silang maliligtas sila at mananatiling buhay, pero hindi maaaring magbago ang kanilang disposisyon, dahil hindi nila hinahangad ang katotohanan, at nasisiyahan na sila sa pag-unawa sa doktrina. Hindi sila nagsasabi o gumagawa ng mga bagay na lumalabag sa konsiyensiya, kaya nilang taos na gampanan ang kanilang mga tungkulin, at kaya nilang tumanggap ng pagbabahagi tungkol sa katotohanan na ukol sa anumang problema. Gayunpaman, hindi naman nila seryosong hinahanap ang katotohanan, naguguluhan ang kanilang isipan, at hinding-hindi nila nauunawaan ang diwa ng katotohanan. Imposibleng magbago ang kanilang mga disposisyon. Kung nais mong madalisay ang katiwalian mo at dumanas ng pagbabago sa disposisyon mo sa buhay, kailangan mong magkaroon ng pagmamahal sa katotohanan at kakayahang tanggapin ang katotohanan. Ano ang ibig sabihin ng tanggapin ang katotohanan? Ipinahihiwatig ng tanggapin ang katotohanan na anumang uri ang iyong tiwaling disposisyon, o alinman sa mga lason ng malaking pulang dragon—mga lason ni Satanas—ang nasa iyong kalikasan, kapag ibinunyag ng mga salita ng Diyos ang mga bagay na ito, dapat kang umamin at sumunod, hindi ka maaaring gumawa ng ibang pagpili, at dapat mong kilalanin ang iyong sarili ayon sa mga salita ng Diyos. Ang ibig sabihin nito ay magawang tanggapin ang mga salita ng Diyos at tanggapin ang katotohanan. Anuman ang sinasabi Niya, gaano man kabigat ang mga pagbigkas Niya, at anumang mga salita ang ginagamit Niya, matatanggap mo ang mga ito basta’t katotohanan ang sinasabi Niya, at kaya mong kilalanin ang mga ito basta’t umaayon ang mga ito sa realidad. Kaya mong magpasakop sa mga salita ng Diyos gaano kalalim mo man nauunawaan ang mga ito, at tinatanggap mo at nagpapasakop ka sa liwanag na ibinubunyag ng Banal na Espiritu at ibinabahagi ng iyong mga kapatid. Kapag umabot na sa isang partikular na punto ang paghahangad sa katotohanan ng gayong tao, maaari niyang matamo ang katotohanan at makamtan ang pagbabago ng kanyang disposisyon. Kahit pa medyo may pagkatao ang mga taong hindi nagmamahal sa katotohanan, kayang gumawa ng ilang mabubuting gawa, at kayang tumalikod at gumugol para sa Diyos, nalilito sila tungkol sa katotohanan at hindi seryosong hinahanap ang katotohanan, kaya hindi nagbabago kailanman ang disposisyon nila sa buhay. Nakikita mo na ang pagkatao ni Pedro ay kapareho ng pagkatao ng iba pang mga disipulo, ngunit namukod-tangi siya sa kanyang marubdob na pagtataguyod sa katotohanan; anuman ang sabihin ni Jesus, masidhi niya iyong pinagnilayan. Nagtanong si Jesus, “Simon Bar-Jonas, mahal mo ba Ako?” Matapat na sumagot si Pedro, “Ang Ama na nasa langit lamang ang mahal ko, subalit hindi ko pa nagagawang mahalin ang Panginoon sa lupa.” Kalaunan ay naunawaan niya, naisip na, “Hindi tama ito; ang Diyos sa lupa ay ang Diyos sa langit. Hindi ba pareho ang Diyos kapwa sa langit at sa lupa? Kung ang Diyos sa langit lamang ang mahal ko, hindi tunay ang pagmamahal ko; kailangan kong mahalin ang Diyos sa lupa, sapagkat doon lamang magiging tunay ang aking pagmamahal.” Sa gayon, naunawaan ni Pedro ang tunay na kahulugan ng salita ng Diyos mula sa itinanong ni Jesus. Para mahalin ang Diyos, at para maging tunay ang pagmamahal na ito, kailangang mahalin ng isang tao ang Diyos na nagkatawang-tao sa lupa. Ang mahalin ang isang malabo at di-nakikitang Diyos ay hindi makatotohanan ni praktikal, samantalang ang mahalin ang praktikal at nakikitang Diyos ay katotohanan. Mula sa mga salita ni Jesus, natamo ni Pedro ang katotohanan at naunawaan ang kalooban ng Diyos. Malinaw na ang paniniwala ni Pedro sa Diyos ay nakatuon lamang sa pagtataguyod sa katotohanan; sa bandang huli, nagawa niyang mahalin ang praktikal na Diyos—ang Diyos sa lupa. Napakamasigasig ni Pedro sa kanyang pagtataguyod sa katotohanan. Sa bawat pagkakataon na pinayuhan siya ni Jesus, masidhi niyang pinagnilayan ang mga salita ni Jesus. Marahil ay nagnilay-nilay siya nang ilang buwan, isang taon, o ilang taon pa nga bago siya binigyang-liwanag ng Banal na Espiritu at naunawaan niya ang diwa ng mga salita ng Diyos; sa ganitong paraan, pumasok si Pedro sa katotohanan, at pagkatapos, nagbago at napanibago ang kanyang disposisyon sa buhay. Kung hindi hinahangad ng isang tao ang katotohanan, hindi niya iyon mauunawaan kailanman. Masasambit mo ang mga titik at doktrina nang sampung libong beses, ngunit mananatili pa ring mga titik at doktrina ang mga iyon. Sinasabi lamang ng ilang tao, “Si Cristo ang katotohanan, ang daan, at ang buhay.” Ulit-ulitin mo man ang mga salitang ito nang sampung libong beses, wala pa ring silbi ang mga ito; hindi mo nauunawaan ang kahulugan ng mga ito. Bakit sinasabi na si Cristo ang katotohanan, ang daan, at ang buhay? Maaari mo bang ipahayag ang kaalamang natamo mo tungkol dito mula sa karanasan? Nakapasok ka na ba sa realidad ng katotohanan, ng daan, at ng buhay? Binigkas ng Diyos ang Kanyang mga salita upang maranasan mo ang mga ito at magtamo ka ng kaalaman; walang silbi ang isatinig lamang ang mga titik at doktrina. Makikilala mo lamang ang iyong sarili kapag naunawaan at napasok mo na ang mga salita ng Diyos. Kung hindi mo nauunawaan ang mga salita ng Diyos, hindi mo makikilala ang iyong sarili. Makakakilala ka lamang kapag nauunawaan mo ang katotohanan; kung walang pagkaunawa sa katotohanan, hindi ka makakakilala. Malinaw mo lamang makikita ang mga bagay kapag nauunawaan mo ang katotohanan; kung walang pagkaunawa sa katotohanan, hindi mo makikita nang malinaw ang mga bagay. Makikilala mo lamang ang iyong sarili kapag nauunawaan mo ang katotohanan; kung walang pagkaunawa sa katotohanan, hindi mo makikilala ang iyong sarili. Magbabago lamang ang iyong disposisyon kapag nakamit mo ang katotohanan; kung wala ang katotohanan, hindi maaaring magbago ang iyong disposisyon. Pagkatapos mong makamit ang katotohanan, saka ka lamang makapaglilingkod alinsunod sa kalooban ng Diyos; kung wala ang pagkamit ng katotohanan, hindi ka makapaglilingkod alinsunod sa kalooban ng Diyos. Pagkatapos mong makamit ang katotohanan, saka mo lamang masasamba ang Diyos; kung walang pagkaunawa sa katotohanan, kahit pa sambahin mo Siya, ito ay magiging pagganap lamang ng mga ritwal na panrelihiyon at wala nang iba. Kung wala ang katotohanan, lahat ng gawin mo ay hindi totoo; sa pagkamit ng katotohanan, lahat ng gawin mo ay totoo. Lahat ng bagay na ito ay nakasalalay sa pagtatamo ng katotohanan mula sa mga salita ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Malalaman ang Kalikasan ng Tao
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 562
Ang makarating sa tunay na pagkaunawa ng mga salita ng Diyos ay hindi simpleng bagay. Huwag kang mag-isip nang ganito: “Naipapaliwanag ko ang literal na kahulugan ng mga salita ng Diyos, at sinasabi ng lahat na magaling ang aking pagpapaliwanag, at sinasang-ayunan nila ako, kaya ibig sabihin nito ay nauunawaan ko ang mga salita ng Diyos.” Hindi ito kapareho ng pag-unawa sa mga salita ng Diyos. Kung nakatamo ka na ng kaunting liwanag mula sa mga pagpapahayag ng Diyos, at medyo naunawaan mo na ang tunay na kahulugan ng mga salita Niya, at kung naipapahayag mo ang layunin sa likod ng mga salita Niya at kung ano ang ibubunga ng mga ito sa huli—kung mayroon kang malinaw na pagkaunawa sa lahat ng bagay na ito—maituturing ka nang nagtataglay ng kaunting pagkaunawa sa mga salita ng Diyos. Kaya, hindi ganoon kasimple ang maunawaan ang mga salita ng Diyos. Hindi dahil nakapagbibigay ka ng mabulaklak na paliwanag sa literal na kahulugan ng mga salita ng Diyos ay nangangahulugang nauunawaan mo ang mga ito. Gaano mo man maipaliliwanag ang literal na kahulugan ng mga ito, nakabatay pa rin ang iyong paliwanag sa guni-guni at paraan ng pag-iisip ng tao. Walang silbi ito! Paano mo mauunawaan ang mga salita ng Diyos? Ang susi ay hanapin ang katotohanang nakapaloob sa mga iyon; sa gayong paraan mo lamang tunay na mauunawaan ang Kanyang sinasabi. Hindi kailanman nagsasabi ang Diyos ng mga salitang walang kabuluhan. Bawat pangungusap na binibigkas Niya ay naglalaman ng mga detalye na tiyak na ihahayag pa sa mga salita ng Diyos, at maaaring maipahayag ang mga ito sa ibang paraan. Hindi maaarok ng tao ang mga paraan ng pagpapahayag ng Diyos ng katotohanan. Ang mga pagbigkas ng Diyos ay napakalalim at hindi madaling maaarok gamit ang paraan ng pag-iisip ng tao. Maaaring matuklasan ng mga tao ang halos buong kahulugan ng bawat aspeto ng mga katotohanan basta’t pinagsisikapan nila; kung gagawin mo ito, habang nararanasan mo ang mga ito, mapupunan ang mga detalye habang binibigyang-liwanag ka ng Banal na Espiritu. Ang isang bahagi ay pagninilay at pag-unawa sa mga salita ng Diyos at paghahanap sa partikular na nilalaman ng mga ito sa pamamagitan ng pagbasa sa mga ito. Ang isa pang bahagi ay pag-unawa sa kahulugan ng mga salita ng Diyos sa pamamagitan ng pagdanas sa mga ito at pagtatamo ng kaliwanagan mula sa Banal na Espiritu. Sa pamamagitan ng patuloy na pag-unlad sa dalawang aspetong ito, unti-unti mong mauunawaan ang salita ng Diyos. Kung binibigyang-kahulugan mo ito nang literal at ayon sa teksto o mula sa sarili mong pag-iisip o mga imahinasyon, kahit ipaliwanag mo ito sa mabulaklak at mahusay na pananalita, hindi mo pa rin talaga nauunawaan ang katotohanan, at batay pa ring lahat iyon sa pag-iisip at mga imahinasyon ng tao. Hindi iyon natamo mula sa kaliwanagan ng Banal na Espiritu. Malamang na bigyang-kahulugan ng mga tao ang mga salita ng Diyos batay sa kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon, at maaari pa silang magkamali ng pakahulugan sa mga salita ng Diyos nang wala sa konteksto, kaya madali silang magkamali ng pagkaunawa at manghusga sa Diyos, at problema ito. Samakatuwid, ang katotohanan ay natatamo higit sa lahat sa pamamagitan ng pag-unawa sa mga salita ng Diyos at ng pagiging nabigyang-liwanag ng Banal na Espiritu. Ang magawang maunawaan at maipaliwanag ang literal at tekstwal na kahulugan ay hindi nangangahulugan na natamo mo na ang katotohanan. Kung ang pag-unawa sa literal at tekstwal na kahulugan ng salita ng Diyos ay nangangahulugan na naunawaan mo ang katotohanan, mangangailangan ka lang ng kaunting pag-aaral at kaalaman, kaya bakit mo kakailanganin ang kaliwanagan ng Banal na Espiritu? Ang gawain ba ng Diyos ay isang bagay na maiintindihan ng isipan ng tao? Samakatuwid, ang pag-unawa sa katotohanan ay hindi batay sa mga kuru-kuro o imahinasyon ng tao. Kailangan mo ng kaliwanagan, pagtanglaw, at pagpatnubay ng Banal na Espiritu para magkaroon ng tunay na karanasan at kaalaman. Ito ang proseso ng pag-unawa at pagtatamo sa katotohanan, at isa rin itong kinakailangang kondisyon.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Malalaman ang Kalikasan ng Tao
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 563
Paano mo mauunawaan ang kalikasan ng tao? Ang pinakamahalaga ay makilala ito mula sa perspektibo ng pananaw ng tao sa mundo, pananaw sa buhay, at mga pinahahalagahan. Yaong mga kampon ng diyablo ay nabubuhay na lahat para sa kanilang mga sarili. Ang pananaw nila sa buhay at mga salawikain ay kalimitang nagmumula sa mga kasabihan ni Satanas, tulad ng “Ang bawat tao para sa kanyang sarili, bahala na ang iba,” “Ang tao ay namamatay para sa kayamanan, gaya ng mga ibon para sa pagkain,” at iba pang gayong mga maling pahayag. Lahat ng mga salitang ito na sinambit ng yaong mga diyablong hari, mga dakila, at mga pilosopo ay ang naging mismong buhay ng tao. Lalo na, karamihan sa mga salita ni Confucius, na ipinangangalandakan ng mga Tsino na isang “pantas,” ay naging buhay na ng tao. Mayroon ding mga bantog na kasabihan ng Budismo at Taoismo, at ang madalas sipiin na mga klasikong kasabihan ng iba’t ibang tanyag na tao; lahat ng ito ay mga pagbubuod ng mga pilosopiya ni Satanas at kalikasan ni Satanas. Ang mga ito rin ang pinakamahusay na paglalarawan at paliwanag tungkol sa kalikasan ni Satanas. Ang mga lason na ito na naipasok sa puso ng tao ay nagmumulang lahat kay Satanas; ni katiting ay walang nagmumula sa Diyos. Ang mga malademonyong salita na iyon ay diretsahan ding kumokontra sa salita ng Diyos. Napakalinaw na ang mga realidad ng lahat ng positibong bagay ay nagmumula sa Diyos, at lahat ng negatibong bagay na iyon na lumalason sa tao ay nagmumula kay Satanas. Samakatuwid, makikilatis mo ang kalikasan ng isang tao at kung kanino siya kabilang mula sa pananaw niya sa buhay at mga pinahahalagahan. Ginagawang tiwali ni Satanas ang mga tao sa pamamagitan ng edukasyon at impluwensya ng mga pambansang pamahalaan at ng mga sikat at dakila. Ang kanilang mga malademonyong salita ay naging buhay at kalikasan na ng tao. “Ang bawat tao para sa kanyang sarili, bahala na ang iba” ay isang sikat na satanikong kasabihan na naikintal na sa lahat at iyan ay naging buhay na ng tao. May iba pang salita ng pilosopiya para sa pamumuhay na katulad din nito. Ginagamit ni Satanas ang tradisyunal na kultura ng bawat bayan para turuan, linlangin, at gawing tiwali ang mga tao, nagsasanhi sa sangkatauhan na mahulog at masadlak sa isang walang-hanggang bangin ng pagkawasak, at sa huli ay winawasak ng Diyos ang tao dahil naglilingkod sila kay Satanas at nilalabanan ang Diyos. Ang ilang tao ay naglingkod bilang mga opisyal ng gobyerno sa lipunan sa loob ng deka-dekada. Isipin na kunwari ay itinatanong mo sa kanila ang tanong na ito: “Naging napakahusay mo sa kapasidad na ito, anong mga bantog na kasabihan ang batayan mo sa buhay?” Maaaring sabihin nila, “Ang nag-iisang bagay na nauunawaan ko ay ito: ‘Hindi gagalawin ng mga opisyal ang mga sipsip sa kanila, at ang mga hindi nambobola ay walang mapapala.’” Ito ang satanikong pilosopiya na pinagbabatayan ng kanilang karera. Hindi ba kumakatawan ang mga salitang ito sa likas na pagkatao ng gayong mga tao? Naging kalikasan na niya ang walang-pakundangang paggamit ng anumang paraan para makakuha ng katungkulan, at ang pagiging opisyal at tagumpay sa karera ang kanyang layunin. Marami pa ring satanikong lason sa buhay ng mga tao, sa kanilang pag-uugali at asal. Halimbawa, ang mga pilosopiya nila sa pamumuhay, ang kanilang mga paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay, at kanilang mga kasabihan ay pawang puno ng mga lason ng malaking pulang dragon, at lahat ng ito ay galing kay Satanas. Kaya, lahat ng dumadaloy sa mga buto at dugo ng mga tao ay mga bagay na kay Satanas. Lahat ng opisyal na iyon, na may kapangyarihan, at yaong mga nagtatagumpay ay may sarili nilang mga landas at lihim sa tagumpay. Hindi ba lubos na kumakatawan ang mga lihim na iyon sa kanilang likas na pagkatao? Napakalaki ng mga nagawa nila sa mundo, at walang sinumang nakakakita nang malinaw sa mga pakana at intrigang nasa likod ng mga iyon. Nagpapakita ito na lubhang masama at makamandag ang kanilang likas na pagkatao. Labis nang nagawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan. Ang kamandag ni Satanas ay dumadaloy sa dugo ng bawat tao, at masasabi na ang kalikasan ng tao ay tiwali, masama, lumalaban, at salungat sa Diyos, puno ng at lubos na nakalubog sa mga pilosopiya at lason ni Satanas—ito ay naging ganap na kalikasan at diwa ni Satanas. Ito ang dahilan kaya nilalabanan at sinasalungat ng mga tao ang Diyos. Madaling makikilala ng tao ang kanyang sarili kung masusuri ang kanyang kalikasan sa ganitong paraan.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Malalaman ang Kalikasan ng Tao
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 564
Ang susi sa pagninilay-nilay sa sarili at pagkilala sa iyong sarili ay ito: Kapag mas nararamdaman mong nakagawa ka ng mabuti sa ilang tukoy na larangan o nagawa ang tama, at kapag mas naiisip mong nabibigyang-kasiyahan mo ang kalooban ng Diyos o kaya mong magmalaki sa ilang aspeto, mas karapat-dapat para sa iyo na kilalanin ang iyong sarili sa mga larangang iyon at mas karapat-dapat para sa iyo na saliksikin pang mabuti ang mga iyon para makita kung anong mga karumihan ang naroon sa iyo, at kung anong mga bagay sa iyo ang hindi makakapagbigay-kasiyahan sa kalooban ng Diyos. Gawin nating halimbawa si Pablo. Si Pablo ay lubhang maalam na tao, at dumanas siya ng maraming paghihirap sa kanyang pangangaral. Siya ay minahal nang lubos ng maraming tao. Bilang resulta, pagkatapos niyang makumpleto ang maraming gawain, ipinagpalagay niya na magkakaroon ng nakalaan na korona para sa kanya. Dahil dito, lalo’t lalo niyang natahak ang maling landas, hanggang sa huli ay pinarusahan siya ng Diyos. Kung pinagnilayan at sinuri niya nang husto ang kanyang sarili noong panahong iyon, hindi niya sana naisip iyon. Sa madaling salita, hindi nagtuon si Pablo sa paghahanap ng katotohanan sa mga salita ng Panginoong Jesus; naniwala lamang siya sa mga sarili niyang kuru-kuro at haka-haka. Inakala niya na hangga’t gumagawa siya ng ilang mabubuting bagay at nagpapakita ng ilang magagandang asal, pupurihin siya at gagantimpalaan ng Diyos. Sa huli, binulag ng mga sarili niyang kuru-kuro at imahinasyon ang kanyang espiritu at tinakpan ang katotohanan ng kanyang katiwalian. Ngunit hindi ito nagawang matukoy ng mga tao, wala silang kaalaman sa mga bagay na ito, at kaya bago ito inilantad ng Diyos, itinakda nila palagi si Pablo bilang isang pamantayang dapat abutin, isang halimbawa sa pamumuhay, at itinuring nila siya na siyang hinahangad nilang maging katulad at bilang idolo ng kanilang pagsisikap. Ang kaso ni Pablo ay isang babala sa bawat isa sa mga taong hinirang ng Diyos. Lalo na kapag tayong sumusunod sa Diyos ay kayang magdusa at magbayad ng halaga sa ating mga tungkulin at habang naglilingkod tayo sa Diyos, nadarama natin na tapat tayo at nagmamahal sa Diyos, kaya sa ganitong mga pagkakataon, dapat ay mas lalo nating pagnilayan ang ating sarili at unawain ang ating sarili tungkol sa landas na ating tinatahak, na kailangang-kailangan. Ito ay dahil ang iniisip mong mabuti ay ang matutukoy mong tama, at hindi mo pagdududahan iyon, pagninilayan iyon, o susuriin kung may anuman doon na lumalaban sa Diyos. Halimbawa, may mga taong naniniwala na masyado silang mabait. Hindi nila kinamumuhian o sinasaktan ang iba kahit kailan, at lagi silang tumutulong sa isang kapatid na ang pamilya ay nangangailangan, baka hindi nalulutas ang kanilang problema; napakabuti ng kanilang kalooban, at ginagawa nila ang lahat ng kaya nila upang tulungan ang lahat ng kaya nilang tulungan. Subalit hindi sila kailanman tumutuon sa pagsasagawa ng katotohanan, at wala silang pagpasok sa buhay. Ano ang resulta ng gayong pagkamatulungin? Kinalilimutan nila ang kanilang sariling pangangailangan, subalit lubhang nasisiyahan sila sa kanilang sarili, at lubos silang nasisiyahan sa nagawa nila. Bukod pa roon, ipinagmamalaki nila iyon nang husto, naniniwala sila na sa lahat ng ginawa nila, walang sumalungat sa katotohanan, at na lahat ng nagawa nila ay tiyak na sapat upang palugurin ang kalooban ng Diyos, at na sila ay tunay na mga mananampalataya sa Diyos. Itinuturing nila ang kanilang likas na kabaitan bilang isang bagay na magagawang puhunan, at, sa sandaling gawin nila iyon, hindi maiiwasan na ituring nila iyon bilang katotohanan. Ang totoo, puro kabutihan sa tao ang ginagawa nila. Hindi talaga nila isinasagawa ang katotohanan, sapagkat ginagawa nila ito sa harap ng tao, at hindi sa harap ng Diyos, at lalong hindi sila nagsasagawa ayon sa mga kinakailangan ng Diyos at ng katotohanan. Samakatuwid, lahat ng kilos nila ay walang kabuluhan. Wala sa mga bagay na ginagawa nila ang pagsasagawa ng katotohanan, at walang isa man ang pagsasagawa ng mga salita ng Diyos, lalo nang hindi nila sinusunod ang Kanyang kalooban; sa halip, gumagamit sila ng kabaitan ng tao at mabuting pag-uugali upang tulungan ang iba. Bilang pagbubuod, hindi nila hinahangad ang kalooban ng Diyos sa kanilang ginagawa, ni hindi sila kumikilos alinsunod sa Kanyang mga kinakailangan. Hindi pinupuri ng Diyos ang ganitong uri ng mabuting pag-uugali ng tao; para sa Diyos, ito ay dapat kondenahin, at hindi nararapat sa Kanyang pag-alala.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagkilala Lamang sa Sariling mga Maling Pananaw ng Isang Tao Siya Tunay na Makapagbabago
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 565
Ang susi sa pagkakamit ng pagbabago sa disposisyon ay ang malaman ng isang tao ang kanyang sariling kalikasan, at kailangang mangyari ito alinsunod sa mga pagbubunyag mula sa Diyos. Sa salita lamang ng Diyos malalaman ng isang tao ang sarili niyang kasuklam-suklam na kalikasan, makikilala sa sarili niyang kalikasan ang iba’t ibang lason ni Satanas, matatanto na siya ay hangal at mangmang, at matutukoy ang mahihina at mga negatibong elemento sa kanyang kalikasan. Pagkatapos malaman nang lubusan ang mga ito, at talagang nagagawa mong kamuhian ang sarili mo at talikdan ang laman, palaging isagawa ang salita ng Diyos, palaging hangarin ang katotohanan habang ginagampanan ang iyong mga tungkulin, makamit ang pagbabago sa iyong disposisyon, at maging isang taong tunay na nagmamahal sa Diyos, nasimulan mo nang tumahak sa landas ni Pedro. Kung wala ang biyaya ng Diyos, kung wala ang kaliwanagan at patnubay mula sa Banal na Espiritu, magiging mahirap tahakin ang landas na ito, dahil hindi taglay ng mga tao ang katotohanan at hindi nila magawang pagtaksilan ang kanilang sarili. Ang pagtahak sa landas ng pagiging perpekto ni Pedro ay nakasalalay una sa lahat sa matibay na pagpapasiya, pagkakaroon ng pananampalataya, at pagtitiwala sa Diyos. Bukod dito, kailangang magpasakop ang tao sa gawain ng Banal na Espiritu; sa lahat ng bagay, hindi makakaraos ang tao nang wala ang mga salita ng Diyos. Ito ang mga pangunahing aspeto, at wala ni isa rito ang maaaring labagin. Napakahirap kilalanin ang sarili mula sa karanasan; kung wala ang gawain ng Banal na Espiritu, wala itong saysay. Para matahak ang landas ni Pedro, kailangang magtuon ang tao sa pagkilala sa kanyang sarili at sa pagbabago ng kanyang disposisyon. Ang landas ni Pablo ay hindi paghahangad sa buhay o pagtutuon sa pagkilala sa sarili; nakatuon siya lalo na sa paggawa ng gawain at sa impluwensya at bilis ng pagsulong nito. Ang kanyang motibasyon ay magtamo ng mga pagpapala kapalit ng kanyang gawain at paghihirap, at makatanggap ng mga gantimpala mula sa Diyos. Ang motibasyong ito ay mali. Hindi nagtuon si Pablo sa buhay, ni hindi niya pinahalagahan ang pagkakamit ng pagbabago ng disposisyon; nagtuon lamang siya sa mga gantimpala. Dahil mali ang kanyang mga layunin, ang landas na kanyang tinahak, mangyari pa, ay mali rin. Dahil ito sa kanyang likas na kayabangan at kahambugan. Malinaw, walang taglay na katotohanan si Pablo, ni wala siyang konsiyensya o katwiran. Sa pagliligtas at pagbabago sa tao, binabago ng Diyos una sa lahat ang kanilang disposisyon. Ang layunin ng Kanyang mga salita ay upang makamtan sa mga tao ang resulta ng pagtataglay ng nagbagong mga disposisyon at ng kakayahang makilala ang Diyos, magpasakop sa Kanya, at sambahin Siya sa normal na paraan. Ito ang layunin ng mga salita ng Diyos at ng Kanyang gawain. Ang paraan ni Pablo sa paghahanap ay direktang lumalabag, at salungat, sa kalooban ng Diyos; lubos itong sumalungat dito. Gayunman, ang paraan ng paghahanap ni Pedro ay ganap na naaayon sa kalooban ng Diyos: tumuon siya sa buhay, at sa mga pagbabago sa disposisyon, na mismong resultang hinahangad ng Diyos na makamtan sa mga tao sa Kanyang gawain. Ang landas ni Pedro kung gayon ay pinagpala at pinupuri ng Diyos. Dahil ang landas ni Pablo ay labag sa kalooban ng Diyos, kinamumuhian at isinusumpa ito ng Diyos. Para matahak ang landas ni Pedro, kailangang malaman ng tao ang kalooban ng Diyos. Kung talagang lubos na nauunawaan ng isang tao ang Kanyang kalooban sa pamamagitan ng Kanyang mga Salita—na nangangahulugan ng pag-unawa sa nais ng Diyos na gawin sa tao at, sa huli, kung ano ang resultang nais Niyang makamit—saka lamang magkakaroon ng tumpak na pag-unawa ang tao kung aling landas ang susundan. Kung hindi mo lubos na nauunawaan ang landas ni Pedro, at hangad mo lamang na sundan ito, hindi mo magagawang simulan iyon. Sa madaling salita, maaaring marami kang alam na doktrina, ngunit sa huli ay hindi mo magagawang pumasok sa realidad. Bagama’t maaari kang gumawa ng mababaw na pagpasok, wala kang makakamtang anumang tunay na resulta.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 566
Sa mga panahong ito, halos lahat ng tao ay may napakababaw na pagkaunawa sa kanilang sarili. Ni hindi man lang nila nalalaman nang malinaw ang mga bagay na bahagi ng kanilang likas na pagkatao. Alam lamang nila ang ilan sa tiwaling kalagayan na inilalantad nila, ang mga bagay na malamang na gagawin nila, o ang ilan sa kanilang mga pagkukulang, at pinaniniwala sila ng mga ito na kilala nila ang kanilang sarili. Bukod pa riyan, kung sumusunod sila sa ilang panuntunan, tinitiyak nila na hindi sila nagkakamali sa ilang aspeto, at nagagawa nilang umiwas na makagawa ng ilang paglabag, pagkatapos ay itinuturing nila ang kanilang sarili na nagtataglay ng realidad sa kanilang pananalig sa Diyos at ipinapalagay na sila ay maliligtas. Ganap na imahinasyon ito ng tao. Kung sumusunod ka sa mga bagay na iyon, talaga bang mapipigilan mong gumawa ng anumang mga paglabag? Tunay na bang nagbago ang iyong disposisyon? Talaga bang namumuhay ka nang tulad ng isang tao? Tunay mo bang mapapalugod ang Diyos sa gayong paraan? Siguradong hindi, tiyak iyan. Gumagana lamang ang pananalig sa Diyos kapag mataas ang mga pamantayan ng isang tao at natamo na ang katotohanan at kaunting pagbabago sa disposisyon sa buhay. Nangangailangan muna ito ng dedikasyon sa pagkilala sa sarili. Kung napakababaw ng kaalaman ng mga tao tungkol sa kanilang sarili, makikita nila na imposibleng lutasin ang mga problema, at talagang hindi magbabago ang kanilang disposisyon sa buhay. Kailangang makilala nang malalim ng isang tao ang kanyang sarili, na ibig sabihi’y malaman ng isang tao ang kanyang sariling likas na pagkatao: anong mga elemento ang kasama sa pagkataong iyon, paano nagsimula ang mga bagay na ito, at saan nanggaling ang mga ito. Bukod pa riyan, talaga bang nagagawa mong kamuhian ang mga bagay na ito? Nakita mo na ba ang sarili mong pangit na kaluluwa at likas na kasamaan? Kung talagang nagagawa mong makita ang katotohanan tungkol sa iyong sarili, kasusuklaman mo ang iyong sarili. Kapag kinasusuklaman mo ang iyong sarili at pagkatapos ay isinasagawa mo ang salita ng Diyos, magagawa mong talikuran ang laman at magkakaroon ka ng lakas na isagawa ang katotohanan nang hindi naniniwala na mahirap ito. Bakit maraming taong sumusunod sa kagustuhan ng kanilang laman? Dahil itinuturing nila ang kanilang sarili na mahusay, na nadarama na tama at makatwiran ang kanilang ikinikilos, na wala silang kamalian, at na talaga ngang tama sila, samakatuwid ay maaari silang kumilos na ipinapalagay na nasa panig nila ang katarungan. Kapag kinikilala ng isa kung ano ang tunay niyang kalikasan—gaano kapangit, gaano kasuklam-suklam, at gaano kaawa-awa—hindi na niya ipinagmamalaki nang labis ang kaniyang sarili, hindi na masyadong mapagmataas, at hindi na gaanong nasisiyahan sa kaniyang sarili tulad ng dati. Nararamdaman ng gayong tao, “Kailangan kong maging masigasig at praktikal sa pagsasagawa ng ilan sa mga salita ng Diyos. Kung hindi, ako ay hindi aabot sa pamantayan ng pagiging tao, at mahihiyang mamuhay sa harapan ng Diyos.” Nakikita niyang tunay ang sarili bilang napakahamak, bilang totoong walang halaga. Sa pagkakataong ito ay nagiging madali para sa isa na isakatuparan ang katotohanan, at ang isa ay mas magmumukhang katulad ng kung ano dapat ang isang tao. Kapag tunay na kinasuklaman ng mga tao ang kanilang sarili, saka lang nila nagagawang talikuran ang laman. Kung hindi nila kinasusuklaman ang kanilang sarili, hindi nila magagawang talikuran ang laman. Ang tunay na pagkasuklam sa sarili ay hindi isang simpleng bagay. Mayroong ilang bagay na dapat matagpuan sa kanila: Una, pagkaalam sa sariling likas na pagkatao; at pangalawa, pagkakita sa sarili na nangangailangan at kaawa-awa, pagkakita sa sarili na napakahamak at walang kabuluhan, at pagkakita sa sariling kaawa-awa at maruming kaluluwa. Kapag lubos na nakikita ng isang tao kung ano siya talaga, at ito ang kinahinatnan, talagang nagtatamo siya ng kaalaman tungkol sa sarili, at masasabi na lubos na niyang nakilala ang kanyang sarili. Saka lamang niya talaga maaaring kamuhian ang kanyang sarili, hanggang sa isumpa niya ang kanyang sarili, at talagang madama niya na labis siyang nagawang tiwali ni Satanas kaya ni hindi siya mukhang tao. Sa gayon, balang araw, kapag lumitaw ang panganib ng kamatayan, iisipin ng taong iyon, “Ito ang matuwid na parusa ng Diyos. Tunay ngang matuwid ang Diyos; dapat talaga akong mamatay!” Sa puntong ito, hindi siya magrereklamo, lalo nang hindi niya sisisihin ang Diyos, nadarama lamang na siya ay talagang nangangailangan at kaawa-awa, napakarumi at napakatiwali kaya dapat siyang palayasin at wasakin ng Diyos, at ang isang kaluluwang katulad ng sa kanya ay hindi nababagay na mabuhay sa lupa. Samakatuwid, hindi irereklamo o lalabanan ng taong ito ang Diyos, lalo nang hindi siya magtataksil sa Diyos. Kung hindi nakikilala ng isang tao ang kanyang sarili, at itinuturing pa rin ang sarili niya na mahusay, iisipin ng taong ito kapag malapit na siyang mamatay, “Napakabuti ng nagawa ko sa aking pananampalataya. Talagang nagsumikap ako sa paghahanap! Napakarami kong naibigay, nagdusa ako nang todo, subalit sa huli, hinihingi sa akin ngayon ng Diyos na mamatay ako. Hindi ko alam kung nasaan ang katuwiran ng Diyos. Bakit Niya hinihingi sa aking mamatay ako? Kung kailangan kong mamatay, sino na lang ang maliligtas? Hindi ba magwawakas ang lahi ng tao?” Una sa lahat, ang taong ito ay may mga kuru-kuro tungkol sa Diyos. Pangalawa, ang taong ito ay nagrereklamo, at hindi nagpapakita ng anumang pagpapasakop. Katulad lang siya ni Pablo: Noong malapit na siyang mamatay, hindi niya kilala ang kanyang sarili, at noong malapit na ang parusa ng Diyos, huli na ang lahat.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 567
Para maging malinaw, ang pagtahak sa landas ni Pedro sa pananampalataya ng isang tao ay nangangahulugan ng paglakad sa landas ng paghahangad sa katotohanan, na siya ring landas para tunay niyang makilala ang kanyang sarili at mabago ang kanyang disposisyon. Sa pamamagitan lamang ng paglakad sa landas ni Pedro mapupunta ang isang tao sa landas ng pagiging ginawang perpekto ng Diyos. Dapat maging malinaw sa isang tao kung paano ba talaga lumakad sa landas ni Pedro, gayundin kung paano ito isagawa. Una, dapat munang isantabi ng isang tao ang kanyang mga sariling layunin, mga di-wastong paghahangad, at maging ang kanyang pamilya at lahat ng bagay na para sa kanyang sariling laman. Dapat buong-pusong mag-ukol ang isang tao, na ang ibig sabihin, kailangang ganap niyang ilaan ang kanyang sarili sa salita ng Diyos, magtuon sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, tumutok sa paghahanap sa katotohanan at sa paghahanap sa mga layunin ng Diyos sa Kanyang mga salita, at subukang maunawaan ang kalooban ng Diyos sa lahat ng bagay. Ito ang pinakapangunahin at ang pinakamahalagang paraan ng pagsasagawa. Ito ang ginawa ni Pedro pagkatapos niyang makita si Jesus, at sa pamamagitan lamang ng pagsasagawa sa ganitong paraan nakakamit ng isang tao ang pinakamahusay na mga resulta. Ang buong-pusong pagtatalaga sa mga salita ng Diyos ay pangunahing nangangahulugan ng paghahanap sa katotohanan, paghahanap sa layunin ng Diyos sa loob ng Kanyang mga salita, pagtutuon ng pansin sa pag-unawa sa kalooban ng Diyos, at pag-unawa at pagkakamit ng mas maraming katotohanan mula sa mga salita ng Diyos. Kapag binabasa ang Kanyang mga salita, hindi nakatuon si Pedro sa pag-unawa sa mga doktrina at siya ay lalo pang hindi nakatuon sa pagkakamit ng kaalamang pangteolohiya; sa halip, siya ay nakatuon sa pag-unawa sa katotohanan at pag-unawa sa kalooban ng Diyos, at pagtatamo ng pagkaunawa ng Kanyang disposisyon at ng Kanyang pagiging kaibig-ibig. Sinubukan din niyang unawain ang iba’t ibang tiwaling kalagayan ng tao mula sa mga salita ng Diyos, gayundin ang kalikasan, diwa, at totoong pagkukulang ng tao, kaya madali niyang natutugunan ang mga hinihingi ng Diyos upang mapalugod ang Diyos. Nagkaroon si Pedro ng napakaraming wastong mga pagsasagawa sa loob ng mga salita ng Diyos; ito ay halos naaayon sa kalooban ng Diyos, at ito ang pinakamahusay na paraan ng pakikipagtulungan ng tao habang nararanasan ang gawain ng Diyos. Noong dumaranas ng daan-daang pagsubok ng Diyos, mahigpit na sinuri ni Pedro ang kanyang sarili ayon sa bawat salita ng paghatol at paghahayag ng Diyos sa tao, at bawat salita ng Kanyang mga hinihingi sa tao, at sinikap na tumpak na unawain ang kahulugan ng mga salitang iyon. Masigasig niyang pinagnilayan at isinaulo ang bawat salitang sinabi sa kanya ni Jesus, at napakaganda ng nakamtan niyang mga resulta. Sa ganitong paraan ng pagsasagawa, naunawaan niya ang kanyang sarili mula sa mga salita ng Diyos, at hindi lang ang iba’t ibang tiwaling kalagayan at kakulangan ng tao ang naunawaan niya, kundi naunawaan din niya ang diwa at kalikasan ng tao. Ito ang kahulugan ng tunay na maunawaan ang sarili. Mula sa mga salita ng Diyos, hindi lamang natamo ni Pedro ang tunay na pagkaunawa sa sarili niya, kundi nakita rin niya ang matuwid na disposisyon ng Diyos, kung ano ang mayroon at kung ano Siya, ang kalooban Niya para sa Kanyang gawain, at ang Kanyang mga hinihingi sa sangkatauhan. Mula sa mga salitang ito ay tunay niyang nakilala ang Diyos. Nakarating siya sa pagkakilala sa disposisyon ng Diyos, at sa Kanyang diwa; nakilala at naunawaan niya kung ano ang mayroon at kung ano ang Diyos, gayundin ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos at mga hinihingi ng Diyos para sa tao. Bagama’t ang Diyos ay hindi gaanong nagsalita noong panahong iyon kagaya ng Kanyang ginagawa sa kasalukuyan, nagkaroon ng bunga kay Pedro sa mga aspetong ito. Ito ay isang bihira at napakahalagang bagay. Dumaan si Pedro sa daan-daang pagsubok, subalit hindi nagdusa nang walang-saysay. Hindi lamang niya naunawaan ang kanyang sarili mula sa mga salita at sa gawain ng Diyos, kundi nakilala rin niya ang Diyos. Dagdag pa riyan, sa mga pagbigkas ng Diyos, nagtuon siya lalo na sa mga hinihingi ng Diyos sa sangkatauhan sa loob ng Kanyang mga salita. Sa alinmang mga aspeto dapat bigyang-kasiyahan ng tao ang Diyos upang makaayon sa kalooban ng Diyos, nagawang magsikap nang husto ni Pedro sa mga aspetong ito at nakamtan ang buong kalinawan; lubhang kapaki-pakinabang ito pagdating sa kanyang pagpasok sa buhay. Anuman ang pinatungkulan ng Diyos, basta’t ang mga salitang iyon ay maaaring maging buhay at ang katotohanan, nakaya ni Pedro na iukit ang mga ito sa kanyang puso upang madalas na pagbulayan at pahalagahan ang mga ito. Matapos mapakinggan ang mga salita ni Jesus, nakaya niyang isapuso ang mga ito, na nagpapakita na siya ay espesyal na nakatuon sa mga salita ng Diyos, at tunay na nakamtan niya ang mga resulta sa huli. Ibig sabihin, nakaya niyang malayang isagawa ang mga salita ng Diyos, tumpak na isagawa ang katotohanan at mapahanay sa kalooban ng Diyos, kumilos nang lubusang naaayon sa layunin ng Diyos, at isuko ang kanyang sariling personal na mga opinyon at imahinasyon. Sa ganitong paraan, pumasok si Pedro sa realidad ng mga salita ng Diyos. Ang serbisyo ni Pedro ay umayon sa kalooban ng Diyos, una sa lahat, dahil ginawa niya na ito.
Kung ang isang tao ay kayang bigyang-kasiyahan ang Diyos habang tinutupad ang kanyang tungkulin, may prinsipyo sa mga salita at kilos niya, at kayang pumasok sa realidad ng lahat ng aspeto ng katotohanan, siya ay isang taong gagawing perpekto ng Diyos. Masasabi na ang gawain at mga salita ng Diyos ay lubos na naging mabisa para sa kanya, na ang mga salita ng Diyos ay naging buhay niya, na nakamit na niya ang katotohanan, at na nagagawa niyang mabuhay alinsunod sa mga salita ng Diyos. Pagkatapos nito, ang kalikasan ng kanyang laman—iyon ay, ang pinakasaligan ng kanyang orihinal na pag-iral—ay mayayanig at mabubuwal. Pagkatapos taglayin ng mga tao ang mga salita ng Diyos bilang kanilang buhay, magiging mga bagong tao sila. Kung ang mga salita ng Diyos ay maging mga buhay ng mga tao, kung ang pangitain ng gawain ng Diyos, ang Kanyang mga paghahayag at kinakailangan mula sa sangkatauhan, at ang mga pamantayan para sa buhay ng tao na hinihingi ng Diyos na matugunan ng mga tao ay maging buhay nila, kung nabubuhay ang mga tao alinsunod sa mga salita at katotohanang ito, sila ay pineperpekto sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos. Muling isinisilang ang gayong mga tao at naging mga bagong tao na sila sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos. Ito ang landas ng paghahangad ni Pedro ng katotohanan; ito ang landas ng paggawang perpekto. Ginawa siyang perpekto sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, at nagkamit ng buhay mula sa mga salita ng Diyos. Ang katotohanan na ipinahayag ng Diyos ay naging kanyang buhay, at sa gayon lamang siya naging isang tao na nakamit ang katotohanan.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Tahakin Ang Landas ni Pedro
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 568
Hangga’t hindi nararanasan ng mga tao ang gawain ng Diyos at natatamo ang katotohanan, ang kalikasan ni Satanas ang namamahala at nagdodomina sa kanilang kalooban. Ano ba ang partikular na nakapaloob sa kalikasang iyon? Halimbawa, bakit ka makasarili? Bakit mo pinoprotektahan ang sarili mong katayuan? Bakit ka mayroong gayong katinding mga damdamin? Bakit ka nasisiyahan sa mga di-matutuwid na bagay na iyon? Bakit gusto mo ang mga kasamaang iyon? Ano ang batayan ng pagkahilig mo sa mga ganoong bagay? Saan nagmumula ang mga bagay na ito? Bakit ka masayang-masaya na tanggapin ang mga ito? Sa ngayon, naunawaan na ninyong lahat na ang pangunahing dahilan sa likod ng lahat ng bagay na ito ay dahil nasa kalooban ninyo ang lason ni Satanas. Ano ang lason ni Satanas? Paano ito maipapahayag? Halimbawa, kung magtatanong ka ng, “Paano dapat mamuhay ang mga tao? Para saan ba dapat nabubuhay ang mga tao?” sasagot ang mga tao: “Ang bawat tao para sa kanyang sarili, bahala na ang iba.” Ipinahahayag ng nag-iisang pariralang ito ang pinakaugat ng problema. Ang pilosopiya at lohika ni Satanas ay naging buhay na ng mga tao. Anuman ang hinahangad ng mga tao pagkatapos, ginagawa nila ito para sa kanilang sarili—kaya’t nabubuhay lamang sila para sa kanilang sarili. “Ang bawat tao para sa kanyang sarili, bahala na ang iba”—ito ang pilosopiya sa buhay ng tao, at kinakatawan din nito ang kalikasan ng tao. Naging kalikasan na ng tiwaling sangkatauhan ang mga salitang ito, ang tunay na larawan ng satanikong kalikasan ng tiwaling sangkatauhan, at ang satanikong kalikasang ito na ang naging batayan para sa pag-iral ng tiwaling sangkatauhan; sa loob ng ilang libong taon, namuhay ang tiwaling sangkatauhan ayon sa kamandag na ito ni Satanas, hanggang sa kasalukuyang panahon. Lahat ng ginagawa ni Satanas ay para sa kapakanan ng sarili niyang pagnanasa, mga ambisyon, at mga layunin; nais niyang higitan ang Diyos, makawala sa Diyos, at makuha ang kontrol sa lahat ng bagay na nilikha ng Diyos. Sa kasalukuyan, gayon na lamang katinding ginawang tiwali ni Satanas ang mga tao: May mga satanikong kalikasan silang lahat, sinusubukan nilang lahat na itatwa at labanan ang Diyos, gusto nilang makontrol ang sarili nilang mga kapalaran at sinusubukang labanan ang mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Diyos—ang kanilang mga ambisyon at pagnanasa ay kaparehong-kapareho ng kay Satanas. Samakatuwid, ang kalikasan ng tao ay ang kalikasan ni Satanas. Sa katunayan, ang mga salawikain at matalinong kasabihan ng maraming tao ay kumakatawan sa likas na pagkatao ng tao at sumasalamin sa diwa ng katiwalian ng tao. Ang mga bagay na pinipili ng mga tao ay sarili nilang mga kagustuhan, at kumakatawan ang lahat ng iyon sa mga disposisyon at hangarin ng mga tao. Sa bawat salitang sinasabi ng isang tao, at lahat ng ginagawa niya, gaano man iyon katago, hindi nito matatakpan ang kanyang likas na pagkatao. Halimbawa, karaniwang maganda ang pangangaral ng mga Pariseo, pero nang marinig nila ang mga sermon at katotohanang ipinahayag ni Jesus, sa halip na tanggapin ang mga iyon, kinondena nila ang mga iyon. Inilalantad nito ang likas na pagkatao at diwa ng pagkayamot at pagkamuhi sa katotohanan ng mga Pariseo. Ang ilang tao ay medyo magandang magsalita at mahusay magpanggap, pero matapos silang makahalubilo sandali ng iba, nakikita ng iba na masyadong tuso at hindi tapat ang kanilang likas na pagkatao. Pagkaraan ng mahabang panahon ng pakikihalubilo sa kanila, natutuklasan ng lahat ng iba pa ang kanilang diwa at likas na pagkatao. Sa huli, nabubuo ng ibang tao ang sumusunod na konklusyon: Hindi sila kailanman nagsasabi ng totoong salita, at sila ay mapanlinlang. Kinakatawan ng pahayag na ito ang likas na pagkatao ng gayong mga tao; ito ang pinakamagandang paglalarawan at patunay ng kanilang kalikasan at diwa. Ang pilosopiya nila sa buhay ay huwag magsabi ng katotohanan kaninuman, at huwag ding magtiwala kaninuman. Naglalaman ang satanikong kalikasan ng tao ng napakaraming satanikong pilosopiya at lason. Kung minsan ikaw mismo ay hindi namamalayan ang mga ito, at hindi nauunawaan ang mga ito; gayunpaman, bawat sandali ng iyong buhay ay batay sa mga bagay na ito. Bukod pa riyan, iniisip mo na ang mga pilosopiyang ito ay lubhang tama at makatwiran, at hindi talaga mali. Sapat na ito para ipakita na naging kalikasan na ng mga tao ang mga pilosopiya ni Satanas, at namumuhay sila nang lubos na nakaayon sa mga ito, na iniisip na ang ganitong paraan ng pamumuhay ay mabuti, at wala talaga silang anumang pakiramdam ng pagsisisi. Samakatuwid, palagi silang nagbubunyag ng kanilang satanikong kalikasan, at sa lahat ng aspeto, patuloy silang namumuhay ayon sa mga pilosopiya ni Satanas. Ang kalikasan ni Satanas ay ang buhay ng sangkatauhan, at ito ang kalikasan at diwa ng sangkatauhan.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Tahakin Ang Landas ni Pedro
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 569
Halos kaya na ninyo ngayong makilala ang tiwaling disposisyon na inyong ibinubunyag. Kapag ang mga tiwaling bagay na nanganganib pa rin ninyong ibunyag at ang mga bagay-bagay na malamang na gawin pa rin ninyo na taliwas sa katotohanan ay naging malinaw na sa inyo, magiging madali na ang paglilinis ng tiwaling disposisyon ninyo. Bakit hindi makontrol ng mga tao ang kanilang mga sarili sa maraming bagay? Dahil sa lahat ng oras, at sa lahat ng aspeto, nakokontrol sila ng kanilang mga tiwaling disposisyon, na pumipigil at humahadlang sa kanila sa lahat ng bagay. Kapag wala silang problema, at hindi sila bumagsak o naging negatibo, palaging nadarama ng ilang tao na mayroon silang tayog, at wala lang sa kanila kapag ang isang masamang tao, isang huwad na lider, o isang anticristo, ay nalalantad at pinalalayas. Malamang pa nga na magyabang sila sa lahat na, “Ang sinumang iba pa ay maaaring bumagsak, pero hindi ako. Ang sinumang iba pa ay maaaring hindi nagmamahal sa Diyos, pero mahal ko ang Diyos.” Iniisip nila na kaya nilang panindigan ang kanilang patotoo sa anumang sitwasyon o konteksto. At ang resulta? Dumarating ang araw na sinusubok sila at nagrereklamo sila tungkol sa Diyos. Hindi ba’t pagkabigo ito, hindi ba’t pagbagsak ito? Wala nang nakapaglalantad sa mga tao nang higit pa kaysa kapag sinusubok sila. Sinusuri ng Diyos ang nasa pinaka-kaibuturan ng puso ng tao, at hindi dapat nagyayabang ang mga tao anumang oras. Anuman ang kanilang ipinagyayabang, doon sila babagsak sa malao’t madali. Kahit na nakikita nila na bumabagsak o nabibigo ang iba sa isang partikular na sitwasyon, hindi nila ito iniintindi, at iniisip pa nga nila na sila mismo ay hindi makagagawa ng anumang pagkakamali, na magagawa nilang manindigan—ngunit sila rin, ay bumabagsak at nabibigo sa parehong konteksto sa huli. Paano ito nangyari? Ito ay dahil hindi lubos na nauunawaan ng mga tao ang kanilang kalikasan at diwa; kulang pa rin sa lalim ang kanilang kaalaman tungkol sa mga problema sa kanilang sariling kalikasan at diwa, kaya napakahirap para sa kanila ang pagsasagawa ng katotohanan. Halimbawa, ang ilang tao ay lubos na mapanlinlang, hindi matapat sa salita at gawa, ngunit kung tatanungin mo sila kung sa anong aspeto pinakamatindi ang kanilang tiwaling disposisyon, sasabihin nila, “Bahagya akong mapanlinlang.” Sasabihin lamang nila na sila ay bahagyang mapanlinlang, subalit hindi nila sinasabi na ang mismong kalikasan nila ay panlilinlang, at hindi nila sinasabi na sila ay isang mapanlinlang na tao. Ang kanilang kaalaman tungkol sa sarili nilang tiwaling kalagayan ay hindi gaanong malalim, at hindi nila ito tinitingnan bilang isang bagay na seryoso, ni hindi kasing lubusan, tulad ng iba. Nakikita ng iba na ang taong ito ay napakamapanlinlang at napakabuktot, na may pandaraya sa bawat salita niya, na ang kanyang mga salita at kilos ay hindi kailanman matapat—subalit hindi nila makita nang napakalalim ang kanilang sarili. Mababaw lamang ang anumang kaalaman na mayroon sila. Sa tuwing nagsasalita at kumikilos sila, nagbubunyag sila ng isang bagay sa kanilang kalikasan, ngunit hindi nila ito namamalayan. Naniniwala sila na ang pagkilos nila nang ganoon ay hindi paghahayag ng katiwalian, iniisip nila na naisagawa na nila ang katotohanan—pero sa mga taong nakakakita, ang taong ito ay lubos na taksil at tuso, ang mga salita at kilos nila ay labis na hindi matapat. Na ibig sabihin, ang mga tao ay may lubhang napakababaw na pagkaunawa sa kanilang sariling kalikasan, at may napakalaking pagkakaiba sa pagitan nito at ng mga salita ng Diyos na humahatol at naglalantad sa kanila. Hindi ito isang pagkakamali sa kung ano ang ibinubunyag ng Diyos, kundi ito ay ang kakulangan sa malalim na pagkaunawa ng mga tao tungkol sa sarili nilang likas na pagkatao. Ang mga tao ay walang pangunahin o malaking pagkaunawa sa kanilang mga sarili; sa halip, sila ay nakatuon at naglalaan ng kanilang lakas sa kanilang mga pagkilos at panlabas na mga pagpapahayag. Kahit may nagsabi ng isang bagay paminsan-minsan tungkol sa pagkaunawa sa kanyang sarili, hindi ito magiging napakalalim. Walang sinuman ang nag-isip kailanman na siya ay isang partikular na uri ng tao o may partikular na uri ng kalikasan sanhi ng pagkakagawa ng isang partikular na uri ng bagay o pagkakabunyag ng isang partikular na bagay. Naibunyag ng Diyos ang likas na pagkatao at diwa ng sangkatauhan, subalit nauunawaan ng mga tao na ang kanilang paraan nang paggawa ng mga bagay-bagay at kanilang paraan ng pananalita ay may kapintasan at depektibo; samakatuwid, isang nakapapagod na gawain para sa mga tao na isagawa ang katotohanan. Iniisip ng mga tao na ang kanilang mga pagkakamali ay pansamantalang mga pagpapamalas lamang na nabubunyag nang walang ingat sa halip na pagiging mga paghahayag ng kanilang kalikasan. Kapag ganito mag-isip ang mga tao, napakahirap para sa kanila na talagang makilala ang mga sarili nila, at napakahirap para sa kanila na maunawaan at maisagawa ang katotohanan. Dahil hindi nila alam ang katotohanan at hindi nauuhaw sa katotohanan, kapag isinasagawa ang katotohanan, sila ay basta-bastang sumusunod lamang sa mga tuntunin. Hindi itinuturing ng mga tao na lubhang tiwali ang kanilang sariling likas na pagkatao, at naniniwala na hindi naman sila ganoon kasama para puksain o parusahan. Ngunit ayon sa mga pamantayan ng Diyos, napakalalim ng katiwalian ng mga tao, malayo pa sila sa pamantayan ng kaligtasan, dahil ang mga tao ay mayroon lamang ilang pagkilos na sa panlabas ay hindi lumalabag sa katotohanan, ngunit sa katunayan ay hindi sila nagsasagawa ng katotohanan at hindi sumusunod sa Diyos.
Ang mga pagbabago sa pag-uugali o kilos ng isang tao ay hindi nagpapahiwatig ng pagbabago sa kanilang kalikasan. Kaya nagkaganito ay dahil ang mga pagbabago sa pag-uugali ng isang tao sa totoo lang ay hindi mababago ang kanilang orihinal na anyo, lalong hindi nito mababago ang kanilang likas na pagkatao. Kapag naunawaan na ng mga tao ang katotohanan, at nagkaroon ng kaalaman tungkol sa sarili nilang kalikasan at diwa at nakayang isagawa ang katotohanan, saka lamang magiging malalim at isang naiiba kaysa sa pagsunod sa isang kalipunan ng tuntunin ang kanilang pagsasagawa. Ang kasalukuyang paraan ng pagsasagawa ng katotohanan ng mga tao ay hindi pa rin umaabot sa pamantayan, at hindi lubos na makamtan ang lahat ng hinihingi ng katotohanan. Isang bahagi lamang ng katotohanan ang isinasagawa ng mga tao, at kapag nasa ilang kalagayan at sitwasyon sila saka lamang nila naisasagawa ang kaunting katotohanan; hindi totoo na nagagawa nilang isagawa ang katotohanan sa lahat ng kalagayan at lahat ng sitwasyon. Kapag paminsan-minsan ang isang tao ay masaya at maganda ang kanyang kalagayan, o kapag siya ay nakikipagbahaginan sa iba at mayroon siyang landas ng pagsasagawa sa kanyang puso, pansamantala ay nagagawa niya ang ilang bagay na naaayon sa katotohanan. Ngunit kapag namumuhay siya kasama ng mga tao na negatibo at hindi naghahanap ng katotohanan, naiimpluwensiyahan siya ng mga taong ito, at sa kanyang puso, naiwawala niya ang landas, at walang kakayahang isagawa ang katotohanan. Ipinapakita nito na napakababa ng kanyang tayog, na hindi pa rin talaga niya nauunawaan ang katotohanan. May ilang indibiduwal na naisasagawa ang katotohanan kapag sila ay nagagabayan at naaakay ng tamang mga tao; ngunit kapag sila ay nalinlang at nagambala ng isang huwad na lider o anticristo, hindi lamang sila nawawalan ng kakayahang isagawa ang katotohanan, malamang din na malinlang sila na sumunod sa ibang tao. Ang mga gayong tao ay nasa panganib pa rin, hindi ba? Ang mga taong tulad nito, na may ganitong uri ng tayog, ay imposibleng kayaning magsagawa ng katotohanan sa lahat ng bagay at konteksto. Kahit na isagawa pa nila ang katotohanan, mangyayari lamang ito kapag maganda ang lagay ng kanilang pag-iisip, o ginagabayan sila ng iba; kung walang isang mabuting taong umaakay sa kanila, magkakaroon ng mga panahon na malamang na gagawa pa rin sila ng mga bagay na lalabag sa katotohanan, kung kailan lilihis pa rin sila sa mga salita ng Diyos. At ano ang dahilan nito? Ito ay dahil ilang kalagayan mo lamang ang nalalaman mo, at wala kang alam tungkol sa iyong sariling kalikasan at diwa, at hindi mo pa natatamo ang tayog ng pagtalikod sa laman at pagsasagawa ng katotohanan; sa ganitong paraan, wala kang kontrol sa gagawin mo sa hinaharap, at hindi mo masisiguro na makakapanindigan ka sa anumang sitwasyon o pagsubok. May mga pagkakataon na nasa isang kalagayan ka at maisasagawa mo ang katotohanan, at tila nagpapakita ka ng ilang pagbabago, subalit, sa ibang kapaligiran, hindi mo kayang isagawa iyon. Hindi mo kayang pigilin iyon. Kung minsan ay naisasagawa mo ang katotohanan, at kung minsan ay hindi. Minsan, nauunawaan mo, at sa susunod, nalilito ka. Sa ngayon, wala kang ginagawang masama, ngunit marahil ay gagawa ka ng masama maya-maya. Pinatutunayan nito na umiiral pa rin sa loob mo ang mga tiwaling bagay, at, kung hindi mo kayang tunay na kilalanin ang iyong sarili, hindi magiging madaling lutasin ang mga ito. Kung hindi mo kayang magtamo ng masusing pagkaunawa tungkol sa sarili mong tiwaling disposisyon, at sa bandang huli ay kaya mong gumawa ng mga bagay na laban sa Diyos, nanganganib ka. Kung kaya mong magtamo ng matalinong kabatiran sa iyong likas na pagkatao at kamumuhian ito, magagawa mong pigilan ang iyong sarili, talikuran ang iyong sarili, at isagawa ang katotohanan.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 570
Ang layon ng malinaw na pagbabahagi ng katotohanan ay upang mabigyang-kakayahan ang mga tao na maunawaan at maisagawa ang katotohanan at magkaroon ng mga pagbabago sa kanilang mga disposisyon. Hindi lamang ito para maghatid ng liwanag at ng kaunting kaligayahan sa kanilang mga puso kapag naunawaan na nila ang katotohanan. Kung nauunawaan mo ang katotohanan ngunit hindi mo isinasagawa ang katotohanan, walang saysay ang pagbabahaginan at pag-unawa sa katotohanan. Ano ang problema kapag nauunawaan ng mga tao ang katotohanan pero hindi ito isinasagawa? Patunay ito na hindi nila iniibig ang katotohanan, na sa kanilang mga puso, hindi nila tinatanggap ang katotohanan, kung magkagayon ay mapalalampas nila ang mga pagpapala ng Diyos at ang pagkakataong maligtas. Patungkol sa kung matatamo ba ng mga tao ang kaligtasan o hindi, ang mahalaga ay kung matatanggap at maisasagawa nila ang katotohanan. Kung naisagawa mo ang lahat ng katotohanang nauunawaan mo, matatanggap mo ang kaliwanagan, pagtanglaw at paggabay ng Banal na Espiritu, at magagawa mong pumasok sa realidad ng katotohanan, at makakamtan ang mas malalim na pagkaunawa sa katotohanan, at matatamo ang katotohanan, at makakamit ang pagliligtas ng Diyos. Ang ilang tao ay walang kakayahang isagawa ang katotohanan, palagi silang nagrereklamo na hindi sila nabibigyan ng kaliwanagan o natatanglawan ng Banal na Espiritu, na hindi sila binibigyan ng lakas ng Diyos. Ito ay mali; ito ay maling pagkaunawa sa Diyos. Ang kaliwanagan at pagtanglaw ng Banal na Espiritu ay nabubuo sa pundasyon ng pakikipagtulungan ng mga tao. Ang mga tao ay dapat maging taos, at handang magsagawa ng katotohanan, at malalim man o mababaw ang kanilang pagkaunawa, dapat nilang maisagawa ang katotohanan. Saka lamang sila mabibigyang-liwanag at matatanglawan ng Banal na Espiritu. Kung nauunawaan ng mga tao ang katotohanan ngunit hindi ito isinasagawa—kung hinihintay lamang nila ang Banal na Espiritu na kumilos at puwersahin sila na isagawa ito—hindi ba’t sukdulan ang kanilang pagiging pasibo? Hindi kailanman pinupuwersa ng Diyos ang mga tao na gumawa ng kahit ano. Kung nauunawaan ng mga tao ang katotohanan ngunit hindi sila handang isagawa ito, ipinapakita nito na hindi nila iniibig ang katotohanan, o na ang kanilang kalagayan ay hindi normal at tila ba mayroong hadlang. Ngunit kung nagagawa ng mga tao na manalangin sa Diyos, kikilos din ang Diyos; mawawalan lamang ng paraan na gumawa sa kanila ang Banal na Espritu kung ayaw nilang isagawa ang katotohanan at hindi rin sila nagdarasal sa Diyos. Sa katunayan, anumang uri ng paghihirap ang mayroon ang mga tao, palagi itong maaaring malutas; ang susi ay kung nakapagsasagawa ba sila nang naaayon sa katotohanan o hindi. Sa kasalukuyan, ang mga problema ng katiwalian na nasa inyo ay hindi isang kanser, hindi ito isang sakit na walang lunas. Kung makapagpapasya kayong magsagawa ng katotohanan, matatanggap ninyo ang gawain ng Banal na Espiritu, at magiging posible na magbago ang mga tiwaling disposisyong ito. Ang lahat ng ito ay nakadepende sa kung makapagpapasya kang isagawa ang katotohanan, ito ang susi. Kung isinasagawa mo ang katotohanan, kung tinatahak mo ang landas ng paghahangad sa katotohanan, magagawa mong matanggap ang gawain ng Banal na Espiritu, at tiyak na maaari kang maligtas. Kung ang landas na tinatahak mo ay ang maling landas, maiwawala mo ang gawain ng Banal na Espiritu, ang isang maling hakbang ay hahantong sa isa pa, at magiging katapusan na ng lahat para sa iyo, at gaano man karaming taon kang magpatuloy na maniwala, hindi ka magkakamit ng kaligtasan. Halimbawa, kapag sila ay gumagawa, hindi kailanman iniisip ng ilang tao kung paano gawin ang gawain sa paraan na kapaki-pakinabang sa sambahayan ng Diyos at naaayon sa kalooban ng Diyos—ang resulta nito ay marami silang ginagawa na makasarili at ubod ng sama, na kasuklam-suklam at nakapopoot sa Diyos; at sa paggawa nito, sila ay nalantad at napalayas. Kung sa lahat ng bagay ay nagagawa ng mga tao na hanapin ang katotohanan at magsagawa ayon sa katotohanan, nakapasok na sila sa tamang landas ng pananampalataya sa Diyos, at kaya mayroon silang pag-asa na maging isang tao na nakaayon sa kalooban ng Diyos. Nauunawaan ng ilang tao ang katotohanan ngunit hindi ito isinasagawa. Sa halip, naniniwala sila na ang katotohanan ay wala nang iba pa kundi ito, at wala silang kakayahang lutasin ang sarili nilang mga gawi at mga tiwaling disposisyon. Hindi ba’t katawa-tawa ang ganitong mga tao? Hindi ba’t kakatwa sila? Hindi ba’t umaasta silang alam na nila ang lahat? Kung nagagawa ng mga tao na kumilos ayon sa katotohanan, maaaring magbago ang mga tiwaling disposisyon nila. Kung ang paniniwala at paglilingkod nila sa Diyos ay ayon sa sarili nilang likas na personalidad, wala ni isa sa kanila ang magkakaroon ng mga pagbabago sa kanilang mga disposisyon. Mayroong ilang tao na ginugugol ang buong araw na inaalala ang mga problemang dulot ng mga maling pagpili nila. Kahit nariyan na ang katotohanan, hindi nila ito pinag-iisipan man lang o sinusubukang isagawa, kundi ipinipilit nilang piliin ang sarili nilang landas. Napakakakatwang paraan ng pagkilos ito; tunay ngang hindi nila nakikilala ang mabuting bagay kapag nakita nila ito, at nakatakda silang magkaroon ng mahirap na kalagayan sa buhay. Ang pagsasagawa ng katotohanan ay ganyan lang kasimple; ang mahalaga lang dito ay kung isinasagawa mo ang katotohanan o hindi. Kung isa kang tao na nagpasyang isagawa ang katotohanan, ang iyong pagiging negatibo, kahinaan, at tiwaling disposisyon ay unti-unting malulutas at mababago; depende ito kung iniibig ba ng puso mo ang katotohanan o hindi, kung nagagawa mo bang tanggapin ang katotohanan o hindi, kung kaya mo bang magdusa at magbayad ng halaga para matamo ang katotohanan o hindi. Kung talagang iniibig mo ang katotohanan, magagawa mong tiisin ang lahat ng uri ng sakit upang matamo ang katotohanan, maging ito man ay paninirang-puri, panghuhusga, o pang-iiwan ng mga tao. Dapat mong tiisin ang lahat ng ito nang may pasensya at pagpapaubaya; at pagpapalain at poprotektahan ka ng Diyos, hindi ka Niya iiwan o pababayaan—sigurado ito. Kung nagdarasal ka sa Diyos nang may pusong may takot sa Kanya, umaasa sa Diyos at tumitingala sa Diyos, walang bagay na hindi mo malalampasan. Maaaring mayroon kang tiwaling disposisyon, at maaaring lumalabag ka, ngunit kung mayroon kang pusong may takot sa Diyos, at maingat mong tinatahak ang landas ng paghahangad sa katotohanan, walang dudang makakapanindigan ka, at walang dudang maaakay at mapoprotektahan ka ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 571
Kung nais mong maunawaan ang katotohanan, mahalagang malaman mo kung paano kumain at uminom ng mga salita ng Diyos. Kung kakaunti ang binabasa mong mga salita ng Diyos, hindi binabasa nang taimtim ang mga iyon, at hindi pinagninilayan ang mga iyon sa puso mo, hindi mo mauunawaan ang katotohanan. Ang tangi mong mauunawaan ay kaunting doktrina, kaya mahihirapan ka nang husto na maunawaan ang kalooban ng Diyos at ang layon ng Diyos sa Kanyang mga salita. Kung hindi mo nauunawaan ang mga mithiin at resultang hinahangad na makamit ng mga salita ng Diyos, kung hindi mo nauunawaan ang hinahanap na maisakatuparan at maperpekto ng Kanyang mga salita sa tao, kung hindi mo nauunawaan ang mga bagay na ito, kung gayon pinatutunayan nito na hindi mo pa naiintindihan ang katotohanan. Bakit sinasabi ng Diyos ang Kanyang sinasabi? Bakit Siya nagsasalita sa ganoong tono? Bakit Siya ay napakamasigasig at taos sa bawat salitang Kanyang sinasambit? Bakit Niya pinipiling gamitin ang ilang salita? Alam mo ba? Kung hindi mo masabi nang may katiyakan, ibig sabihin nito ay hindi mo nauunawaan ang kalooban ng Diyos o ang Kanyang mga layunin. Kung hindi mo nauunawaan ang konteksto sa likod ng Kanyang mga salita, paano mo mauunawaan o maisasagawa ang katotohanan? Upang makamit ang katotohanan, dapat mo munang maunawaan ang ibig sabihin ng Diyos sa bawat salitang Kanyang binibigkas, at pagkatapos ay isagawa ang naintindihan mo, na nagiging dahilan upang maisabuhay sa loob mo ang mga salita ng Diyos, at upang maging realidad mo. Sa paggawa nito ay papasok ka sa realidad ng katotohanan. Kapag mayroon ka nang lubos na pagkaunawa sa salita ng Diyos, saka mo lamang tunay na mauunawaan ang katotohanan. Matapos maunawaan lamang ang ilang titik at doktrina, iniisip mo na nauunawaan mo ang katotohanan at taglay mo ang realidad. Ito ay panlilinlang sa sarili. Ni hindi mo nauunawaan kung bakit hinihingi ng Diyos sa mga tao na isagawa ang katotohanan. Pinatutunayan nito na hindi mo nauunawaan ang kalooban ng Diyos, at na hindi mo pa rin nauunawaan ang katotohanan. Sa katunayan, ipinapagawa ito ng Diyos sa mga tao para dalisayin at iligtas sila, upang maiwaksi ng mga tao ang kanilang mga tiwaling disposisyon, at maging mga taong sumusunod at nakakakilala sa Diyos. Ito ang mithiing nais makamtan ng Diyos sa pag-uutos sa mga tao na isagawa ang katotohanan.
Ipinapahayag ng Diyos ang katotohanan para sa mga taong nagmamahal sa katotohanan, nauuhaw sa katotohanan, at naghahanap sa katotohanan. Para naman sa mga yaon na ang pagpapahalaga ay nasa mga titik at doktrina at gustong magbigay ng mahahaba at matatayog na mga pananalita, hindi nila matatamo ang katotohanan kailanman; niloloko nila ang kanilang mga sarili. Ang pananaw nila tungkol sa katotohanan at sa mga salita ng Diyos ay mali, binabaligtad nila ang pagbasa roon sa matuwid—maling-mali ang kanilang pananaw. Mas gusto ng ilang tao na pag-aralan ang mga salita ng Diyos. Lagi nilang pinag-aaralan kung paano tinatalakay ng mga salita ng Diyos ang tungkol sa hantungan o kung paano pagpapalain. Lubha silang interesado sa ganitong mga uri ng mga salita. Kung hindi umaayon ang mga salita ng Diyos sa kanilang mga kuru-kuro at hindi nabibigyang-kasiyahan ang pagnanasa nila para sa mga pagpapala, magiging negatibo sila, hindi na nila hahangarin ang katotohanan, at hindi na gugugol para sa Diyos. Ipinapakita nito na hindi sila interesado sa katotohanan. Dahil dito, hindi nila sineseryoso ang katotohanan; kaya lang nilang tanggapin ang katotohanan na umaayon sa kanilang mga kuru-kuro at mga imahinasyon. Bagama’t marubdob ang gayong mga tao sa kanilang paniniwala sa Diyos at sinusubukan ang lahat ng paraang kaya nila upang gumawa ng ilang mabubuting gawa at ipakita sa iba na mabuting tao sila, ginagawa lamang nila ito para magkaroon ng magandang hantungan sa hinaharap. Sa kabila ng katunayang sumasali rin sila sa buhay-iglesia, kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, hindi nila isasagawa ang katotohanan o kakamtamin ito. May ilang tao na kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, ngunit sumasama lamang sa agos; iniisip nila na natamo na nila ang katotohanan sa pamamagitan lamang ng pagkaunawa sa ilang titik at doktrina. Mga hangal sila! Ang salita ng Diyos ang katotohanan. Gayunpaman, hindi nangangahulugan na mauunawaan at matatamo ng isang tao ang katotohanan matapos niyang mabasa ang mga salita ng Diyos. Kung nabibigo kang matamo ang katotohanan sa pamamagitan ng pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, kung gayon ang matatamo mo ay mga titik at doktrina. Kung hindi mo alam kung paano isagawa ang katotohanan o kung paano kumilos ayon sa mga prinsipyo, mananatili kang walang realidad ng katotohanan. Maaaring madalas mong binabasa ang mga salita ng Diyos, ngunit pagkatapos, nabibigo ka pa ring maunawaan ang kalooban ng Diyos, at ang nakukuha mo lamang ay ilang titik at doktrina. Paano kumain at uminom ng mga salita ng Diyos upang maunawaan ang katotohanan? Una sa lahat, dapat mong matanto na ang salita ng Diyos ay hindi madaling maunawaan; ang salita ng Diyos ay napakalalim. Kahit isang pangungusap ng mga salita ng Diyos ay nangangailangan ng isang habambuhay upang maranasan. Kung wala kang ilang taon ng karanasan, paano mo posibleng mauunawaan ang salita ng Diyos? Kung, kapag nagbabasa ng mga salita ng Diyos, hindi mo nauunawaan ang kalooban ng Diyos, at hindi nauunawaan ang mga layunin ng Kanyang mga salita, ang pinagmulan ng mga ito, ang epektong hinahanap na makamit ng mga ito, o kung ano ang hinahanap na maisakatuparan ng mga ito, ibig sabihin ba nito ay nauunawaan mo ang katotohanan? Maaaring maraming beses mo nang nabasa ang mga salita ng Diyos at marahil ay kabisado mo na ang maraming sipi, ngunit hindi mo maisagawa ang katotohanan at hindi ka talaga nagbago, at ang iyong kaugnayan sa Diyos ay malayo at hiwalay pa rin tulad ng dati. Kapag nahaharap sa isang bagay na salungat sa iyong mga kuru-kuro, nagdududa ka pa rin sa Kanya, at hindi mo Siya nauunawaan, kundi nangangatwiran ka pa sa Kanya at nagkikimkim ng mga kuru-kuro tungkol sa Kanya at nagkakamali ng pagkaunawa sa Kanya, nilalabanan Siya at nilalapastangan pa Siya. Anong klaseng disposisyon ito? Ang disposisyong ito ay disposisyon ng kayabangan, ng pagiging yamot sa katotohanan. Paano ito matatanggap o maisasagawa ng mga taong napakayabang at yamot na yamot sa katotohanan? Talagang hinding-hindi matatamo ng gayong mga tao ang katotohanan o ang Diyos.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 572
Nasabi na, “Siya na sumusunod hanggang wakas ay maliligtas,” ngunit madali ba itong isagawa? Hindi, at marami sa tinutugis at inuusig ng malaking pulang dragon ang lubhang nakikimi at natatakot na sumunod sa Diyos. Bakit sila nabigo? Dahil wala silang tunay na pananampalataya. Ang ilang tao ay kayang tanggapin ang katotohanan, manalangin sa Diyos, umasa sa Diyos, at manindigan sa mga pagsubok at pagdurusa, habang ang iba ay hindi makasunod hanggang wakas. Balang araw sa panahon ng mga pagsubok at pagdurusa, mabibigo sila, mawawala ang kanilang patotoo, at hindi sila makakabangon at makakapagpatuloy. Lahat ng bagay na dumarating sa bawat araw, malaki man o maliit, na kayang yumanig sa iyong pagpapasya, sakupin ang iyong puso, o paghigpitan ang iyong kakayahang gawin ang iyong tungkulin at ang iyong pasulong na pag-unlad ay nangangailangan ng masigasig na pakikitungo; dapat mong siyasating mabuti ang mga ito at hanapin ang katotohanan. Lahat ng ito ay mga problemang dapat malutas habang nararanasan mo. Ang ilang tao ay nagiging negatibo, nagrereklamo, at nagbibitiw sa kanilang mga tungkulin kapag nahaharap sila sa mga suliranin, at hindi nila nagagawang tumayong muli matapos ang bawat dagok. Lahat ng taong ito ay mga hangal na hindi nagmamahal sa katotohanan, at hindi nila ito makakamtan kahit pa buong buhay silang manampalataya. Paano makasusunod hanggang katapusan ang mga hangal na ito? Kung sampung beses nangyari sa iyo ang isang bagay, ngunit wala kang nakamtan mula rito, isa kang mababang uri at walang silbing tao. Ang matatalinong tao at yaong may totoong kakayahan na nakakaunawa sa espirituwal na mga bagay ay mga naghahanap ng katotohanan; kung may mangyari man sa kanila nang sampung beses, marahil sa walo sa mga kasong iyon, magagawa nilang magkamit ng kaunting kaliwanagan, matuto ng kaunting aral, makaunawa ng kaunting katotohanan, at makagawa ng kaunting pagsulong. Kapag ang mga bagay ay sampung beses na nangyayari sa isang hangal—isa na hindi naiintindihan ang espirituwal na mga bagay—ni isang beses ay hindi makikinabang ang buhay niya, ni isang beses ay hindi siya babaguhin nito, at ni isang beses ay hindi ito magiging sanhi na malaman niya ang kanyang pangit na mukha, sa gayon ay katapusan na para sa kanya. Sa tuwing may nangyayari sa kanila, natutumba sila, at sa tuwing natutumba sila, kailangan nila ang iba upang alalayan sila at himukin; kung walang pag-alalay at paghimok, hindi sila makatatayo. Kung sa tuwing may nangyayari, nanganganib silang matumba, at kung, sa bawat pangyayari, nanganganib silang mapasama, hindi ba ito katapusan na para sa kanila? May iba pa bang katwiran upang maligtas ang mga ganoong tao na walang silbi? Ang pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan ay pagliligtas sa mga nagmamahal sa katotohanan, pagliligtas sa bahagi nila na may kalooban at kapasyahan, at sa bahagi nila na naghahangad sa katotohanan at pagiging matuwid sa kanilang mga puso. Ang kapasyahan ng isang tao ay ang bahagi nila sa kanilang puso na naghahangad sa katuwiran, kabutihan, at katotohanan, at nagtataglay ng konsensya. Inililigtas ng Diyos ang bahaging ito ng mga tao, at sa pamamagitan nito, binabago Niya ang kanilang tiwaling disposisyon, upang maunawaan at makamit nila ang katotohanan, upang malinis ang kanilang katiwalian, at mabago ang kanilang disposisyon sa buhay. Kung wala sa loob mo ang mga bagay na ito, hindi ka maliligtas. Kung sa loob mo ay walang pagmamahal sa katotohanan o pagnanais para sa pagiging matuwid at liwanag; kung sa tuwing makakatagpo ka ng kasamaan ay wala kang hangaring itakwil ang masasamang bagay ni kapasyahang dumanas ng paghihirap; kung, bukod dito, manhid ang iyong konsensya; kung ang iyong kakayahang tumanggap sa katotohanan ay namanhid din, at ikaw ay di-nakaayon sa katotohanan at sa mga pangyayaring dumarating; at kung sa lahat ng bagay ay hindi ka nakakakilatis, at sa harap ng anumang dumarating sa iyo, hindi mo nagagawang hanapin ang katotohanan upang lutasin ang mga problema at palagi kang negatibo, walang paraan upang maligtas ka. Ang ganitong tao ay walang anumang mairerekomenda sa kanila, walang anuman na karapat-dapat sa paggawa ng Diyos. Ang kanilang konsensya ay manhid, ang kanilang isip ay magulo, at hindi nila minamahal ang katotohanan ni hinahangad ang pagiging matuwid sa kaibuturan ng kanilang puso, at gaano man kaliwanag o kalinaw ang paghahayag ng Diyos ng katotohanan, wala sila ni katiting na reaksyon; na para bang patay na ang kanilang puso. Hindi pa ba huli ang lahat para sa kanila? Ang isang taong may natitira pang hininga ay maaari pang mailigtas sa pamamagitan ng artipisyal na paghinga, ngunit, kung siya ay pumanaw na at lumisan na ang kanyang kaluluwa, walang magagawa ang artipisyal na paghinga. Kung, kapag naharap sa mga problema at paghihirap, umuurong ang isang tao at umiiwas sa mga ito, hindi niya talaga hinahanap ang katotohanan, at pinipili niyang maging negatibo at pabaya sa kanyang gawain, pagkatapos ay nabubunyag kung sino talaga siya. Ang gayong mga tao ay wala talagang karanasan o patotoo. Mga mapagsamantala lang sila, pabigat, walang silbi sa sambahayan ng Diyos, at tiyak na mapapahamak. Ang mga naghahanap lang sa katotohanan para lutasin ang mga problema ang mga taong may tayog, at sila lang ang may kakayahang manindigan sa patotoo. Kapag nahaharap ka sa mga problema at paghihirap, dapat mong harapin ang mga iyon nang kalmado, at tumugon sa mga iyon sa tamang paraan, at dapat kang pumili. Dapat mong matutunang gamitin ang katotohanan para lutasin ang mga problema. Malalim man o mababaw ang mga katotohanang karaniwan mong nauunawaan, dapat mong gamitin ang mga iyon. Ang mga katotohanan ay hindi lang mga salitang lumalabas sa bibig mo kapag may nangyayari sa iyo, ni hindi ginagamit ang mga ito para lang lutasin ang mga problema ng iba; sa halip, dapat gamitin ang mga ito para lutasin ang mga problema at suliraning mayroon ka. Iyon ang pinakamahalaga. At kapag nalutas mo ang sarili mong mga problema, saka mo lang malulutas ang sa iba. Bakit sinasabing si Pedro ay isang bunga? Sapagkat may mahahalagang bagay na nasa kanya, mga bagay na sulit gawing perpekto. Hinanap niya ang katotohanan sa lahat ng bagay, may paninindigan, at matatag ang kalooban; siya ay may katwiran, nakahandang dumanas ng paghihirap, at minahal ang katotohanan sa kanyang puso; hindi niya kinalimutan ang nakalipas, at natuto siya ng mga aral mula sa lahat ng bagay. Lahat ng ito ay magagandang katangian. Kung wala ka ng ganitong magagandang katangian, problema iyan. Hindi magiging madali para sa iyo na matamo ang katotohanan at maligtas. Kung hindi mo alam kung paano makaranas o wala kang karanasan, hindi mo malulutas ang mga paghihirap ng ibang mga tao. Dahil hindi mo kayang isagawa at danasin ang mga salita ng Diyos, at wala kang ideya kung ano ang gagawin kapag may nangyayari sa iyo, at nagagalit ka—napapaluha—kapag nahaharap ka sa mga problema, at nagiging negatibo ka at tumatakbo kapag dumaranas ka ng kaunting dagok, at hindi mo kayang tumugon kaagad magpakailanman—dahil sa lahat ng ito, imposible kang makapasok sa buhay. Paano mo matutustusan ang iba kung wala kang pagpasok sa buhay? Para matustusan ang buhay ng mga tao, dapat mong ibahagi nang malinaw ang katotohanan at maibahagi nang malinaw ang mga prinsipyo ng pagsasagawa upang malutas ang mga problema. Para sa isang taong may puso at espiritu, kailangan mo lang magsalita nang kaunti, at maiintindihan na niya iyon. Pero hindi sapat ang pag-unawa lang sa kaunting katotohanan. Dapat din silang magkaroon ng landas at mga prinsipyo ng pagsasagawa. Ito lang ang makakatulong sa kanila na isagawa ang katotohanan. Kahit kapag nauunawaan ng mga tao ang mga espirituwal na bagay, at ilang salita lang ang kailangan para maunawaan nila ang mga iyon, kung hindi nila isinasagawa ang katotohanan, hindi sila makakapasok sa buhay. Kung hindi nila kayang tanggapin ang katotohanan, katapusan na ng lahat sa kanila, at hindi sila makakapasok kailanman sa mga realidad ng katotohanan. Maaari mong hawakan ang kamay ng ilang tao habang tinuturuan mo sila, at tila makakaunawa sila sa oras na iyon, pero kapag bumitaw ka na, nalilito silang muli. Hindi ito isang taong nakakaunawa sa mga espirituwal na bagay. Kung, anumang mga problema ang nakakaharap mo, negatibo ka at mahina, wala ka talagang patotoo, at hindi ka nakikipagtulungan sa kung anong dapat mong gawin at sa kung anong dapat kang makipagtulungan, nagpapatunay ito na wala ang Diyos sa puso mo, at hindi ka isang taong nagmamahal sa katotohanan. Huwag nang isipin kung paanong inaantig ng gawain ng Banal na Espiritu ang mga tao, sa pagdanas lang ng gawain ng Diyos sa loob ng maraming taon, pakikinig sa napakaraming katotohanan, pagkakaroon ng kaunting konsensya, at pag-asa sa pagpipigil sa sarili, dapat ay matugunan man lang ng mga tao ang pinakamabababang pamantayan at hindi sila usigin ng kanilang konsensya. Hindi dapat maging manhid at mahina ang mga tao na tulad ngayon, at mahirap talagang isipin na nasa ganitong kalagayan sila. Marahil ay namuhay kayo nitong huling ilang taon nang wala sa huwisyo, nang hindi hinahangad ni paano man ang katotohanan o hindi talaga umuunlad. Kung hindi ganito ang sitwasyon, paanong manhid ka pa rin at matamlay? Kapag ganito ka, ito ay dahil lang sa sarili mong kahangalan at kamangmangan, at hindi mo masisisi ang sinumang iba pa. Hindi itinatangi ng katotohanan ang ilang tao kaysa sa iba. Kung hindi mo tinatanggap ang katotohanan, at hindi mo hinahanap ang katotohanan para lutasin ang mga problema, paano ka magbabago? Pakiramdam ng ilang tao ay napakababa ng kanilang kakayahan at hindi nila kayang tumanggap, kaya nililimitahan nila ang kanilang sarili, at nadarama nila na gaano man sila maghangad, hindi nila matutugunan ang mga hinihingi ng Diyos. Iniisip nila na gaano man sila magsumikap, walang saysay iyon, at iyon lang iyon, kaya lagi silang negatibo, at dahil dito, kahit pagkaraan ng maraming taong paniniwala sa Diyos, wala pa silang natatamong anumang katotohanan. Kung sinasabi mo, nang hindi ka nagsusumikap na hangarin ang katotohanan, na napakahina ng iyong kakayahan, sinusukuan ang sarili mo, at lagi kang namumuhay sa negatibong kalagayan, at dahil dito, hindi mo nauunawaan ang katotohanang dapat mong maunawaan o isinasagawa ang katotohanan nang ayon sa iyong kakayahan, hindi ba ikaw ang humahadlang sa sarili mo? Kung lagi mong sinasabi na hindi sapat ang iyong kakayahan, hindi ba pag-iwas at pagpapabaya ito sa responsibilidad? Kung kaya mong magdusa, magbayad ng halaga, at matamo ang gawain ng Banal na Espiritu, tiyak na mauunawaan mo ang ilang katotohanan at makakapasok ka sa ilang realidad. Kung hindi ka humihingi ng tulong o umaasa sa Diyos, at sinusukuan mo ang sarili mo nang hindi ka nagsisikap kahit paano o nagbabayad ng halaga, at sumusuko ka na lang, wala kang silbi, at wala ka ni katiting na konsensya at katwiran. Mahina man o mahusay ang iyong kakayahan, kung mayroon ka mang kaunting konsensya at katwiran, dapat mong tapusin nang wasto ang dapat mong gawin at ang iyong misyon; ang pagtakas ay isang mahirap na bagay at isang pagtataksil sa Diyos. Hindi na ito maitatama pa. Ang paghahangad sa katotohanan ay nangangailangan ng matatag na kalooban, at ang mga taong masyadong negatibo o mahina ay walang magagawa. Hindi nila magagawang maniwala sa Diyos hanggang wakas, at, kung nais nilang matamo ang katotohanan at magkamit ng pagbabago ng disposisyon, mas maliit pa rin ang pag-asa nila. Yaon lamang mga may matibay na pagpapasya at naghahangad sa katotohanan ang magtatamo nito at magagawang perpekto ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 573
Maraming tao na sa sandaling naging abala sa kanilang tungkulin, ay nawawalan ng kakayahang makaranas, at hindi nagagawang manatili sa isang normal na kalagayan, at dahil dito, palagi silang humihiling ng pagpupulong, at na maibahagi sa kanila ang katotohanan. Ano ang nangyayari dito? Hindi nila nauunawaan ang katotohanan, wala silang pundasyon sa tunay na daan, kasigasigan ang nagtutulak sa gayong mga tao kapag gumaganap sila sa kanilang tungkulin, at hindi nakakatiis nang matagal. Kapag hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, walang prinsipyo sa anumang ginagawa nila. Kung isinaayos na gumawa sila ng isang bagay, nagugulo nila iyon, hindi sila nag-iingat sa ginagawa nila, ni naghahanap ng prinsipyo, walang pagkamasunurin sa kanilang puso—na nagpapatunay na hindi nila minamahal ang katotohanan at wala silang kakayahang danasin ang gawain ng Diyos. Anuman ang ginagawa mo, dapat mo munang unawain kung bakit mo iyon ginagawa, ano ang intensyong nagtutulak sa iyo na gawin iyon, ano ang kabuluhan ng paggawa mo nito, ano ang kalikasan ng bagay na ito, at kung positibo o negatibong bagay ba ang ginagawa mo. Kailangan mong magkaroon ng malinaw na pagkaunawa sa lahat ng bagay na ito; lubhang kinakailangan ito para makakilos nang may prinsipyo. Kung may ginagawa ka para tuparin ang tungkulin mo, dapat mong pagnilayan ito: Paano ko dapat tuparin nang maayos ang tungkulin ko para hindi ko lang iyon ginagawa nang basta-basta? Dapat kang magdasal at lumapit sa Diyos sa bagay na ito. Ang pagdarasal sa Diyos ay upang hanapin ang katotohanan, ang paraan ng pagsasagawa, ang layunin ng Diyos, at kung paano bigyang-kasiyahan ang Diyos. Ang pagdarasal ay upang makamit ang mga epektong ito. Ang pagdarasal sa Diyos, paglapit sa Diyos, at pagbabasa ng mga salita ng Diyos ay hindi mga seremonyang panrelihiyon o pagpapakita na kumikilos ka. Ginagawa ito para makapagsagawa alinsunod sa katotohanan matapos hanapin ang kalooban ng Diyos. Kung lagi mong sinasabing “salamat sa Diyos” kahit na wala ka pa namang nagagawa, at maaaring mukha kang napakaespirituwal at may kabatiran, ngunit kung, pagdating ng oras para kumilos, ginagawa mo pa rin ang gusto mo, nang hindi talaga hinahanap ang katotohanan, ang “salamat sa Diyos” na ito ay wala nang iba kundi isang mantra, ito ay huwad na espirituwalidad. Kapag tinutupad mo ang tungkulin mo, dapat mong isipin palagi: “Paano ko dapat tuparin ang tungkuling ito? Ano ang kalooban ng Diyos?” Nagdarasal sa Diyos at lumalapit sa Diyos upang mahanap ang mga prinsipyo at katotohanan para sa iyong mga kilos, hinahangad ang kalooban ng Diyos sa puso mo, at hindi lumalayo sa mga salita ng Diyos o sa mga prinsipyo ng katotohanan sa anumang ginagawa mo—ang taong ito lamang ang tunay na nananalig sa Diyos; ang lahat ng ito ay hindi kayang matamo ng mga taong hindi nagmamahal sa katotohanan. Maraming tao ang sinusunod ang sarili nilang mga ideya anuman ang ginagawa nila, at isinasaalang-alang ang mga bagay-bagay sa napakasimpleng paraan, at hindi rin hinahanap ang katotohanan. Ganap na walang prinsipyo, at hindi nila iniisip sa puso nila kung paano kumilos ayon sa hinihingi ng Diyos, o sa isang paraan na nakalulugod sa Diyos, at ang alam lamang nila ay magmatigas na sundin ang sarili nilang kagustuhan. Walang puwang ang Diyos sa puso ng mga ganoong tao. Sinasabi ng ilang tao, “Nagdarasal lang ako sa Diyos kapag nakakaharap ako ng hirap, pero pakiramdam ko ay wala pa ring anumang epekto ito—kaya karaniwan kapag may nangyayari sa akin ngayon hindi ako nagdarasal sa Diyos, dahil walang silbi ang pagdarasal sa Diyos.” Lubos na wala ang Diyos sa puso ng gayong mga tao. Hindi nila hinahanap ang katotohanan anuman ang kanilang ginagawa; sinusunod lamang nila ang sarili nilang mga ideya. May mga prinsipyo ba ang kanilang mga kilos? Talagang wala. Ang tingin nila ay simple lang ang lahat. Kahit kapag nagbabahagi sa kanila ang mga tao tungkol sa mga prinsipyo ng katotohanan, hindi nila matanggap ang mga iyon, dahil kailanman ay hindi nagkaroon ng mga prinsipyo ang kanilang mga kilos, walang puwang ang Diyos sa puso nila, at walang sinuman sa puso nila kundi ang kanilang mga sarili. Pakiramdam nila ay maganda ang kanilang mga layunin, na wala silang ginagawang kasamaan, na hindi maaaring ituring na labag sa katotohanan ang mga iyon, iniisip nila na ang pagkilos ayon sa kanilang sariling mga layunin ay tiyak na pagsasagawa ng katotohanan, na ang pagkilos nang gayon ay pagsunod sa Diyos. Sa katunayan, hindi sila tunay na naghahanap o nagdarasal sa Diyos tungkol sa bagay na ito, kundi kumikilos nang hindi pinag-iisipan, nang ayon sa kanilang sariling masugid na mga layunin, hindi nila ginagampanan ang kanilang tungkulin na gaya ng hinihingi ng Diyos, wala silang pusong masunurin sa Diyos, wala silang ganitong hangarin. Ito ang pinakamalaking pagkakamali sa pagsasagawa ng mga tao. Kung naniniwala ka sa Diyos subalit wala Siya sa puso mo, hindi mo ba sinusubukang linlangin ang Diyos? At ano ang maaaring maging epekto ng gayong pananampalataya sa Diyos? Ano ba talaga ang mapapala mo? At ano ang katuturan ng gayong pananampalataya sa Diyos?
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 574
Paano mo ba dapat pagnilayan ang iyong sarili, at subukang kilalanin ang iyong sarili, kapag may nagawa kang isang bagay na lumalabag sa mga prinsipyo ng katotohanan at hindi nakalulugod sa Diyos? Nang gagawin mo na ang bagay na iyon, nanalangin ka ba sa Kanya? Kahit kailan ba ay inisip mong, “Naaayon ba sa katotohanan ang paggawa sa mga bagay na ito sa ganitong paraan? Paano titingnan ng Diyos ang bagay na ito kung iniharap ito sa Kanya? Masisiyahan ba Siya o maiinis kung malaman Niya ang tungkol dito? Kasusuklaman o kamumuhian ba Niya ito?” Hindi mo hinanap iyon, hindi ba? Kahit pinaalalahanan ka ng iba, iisipin mo pa rin na ang usapin ay hindi malaking bagay, at na hindi iyon labag sa anumang mga prinsipyo at hindi iyon kasalanan. Dahil dito, nalabag mo ang disposisyon ng Diyos at ginalit mo Siya, hanggang sa puntong kamuhian ka Niya. Ito ay dulot ng pagrerebelde ng mga tao. Samakatuwid, dapat mong hanapin ang katotohanan sa lahat ng bagay. Ito ang dapat mong sundin. Kung taimtim kang makakalapit sa Diyos para manalangin muna, at pagkatapos ay hanapin ang katotohanan ayon sa mga salita ng Diyos, hindi ka magkakamali. Maaaring mayroon kang ilang paglihis sa iyong pagsasagawa ng katotohanan, ngunit mahirap itong maiwasan, at magagawa mong magsagawa nang wasto matapos kang magtamo ng kaunting karanasan. Gayunman, kung alam mo kung paano kumilos alinsunod sa katotohanan, subalit hindi mo ito isinasagawa, ang problema ay ang pag-ayaw mo sa katotohanan. Ang mga hindi nagmamahal sa katotohanan ay hinding-hindi ito hahanapin, anuman ang mangyari sa kanila. Tanging ang mga nagmamahal sa katotohanan ang may mga pusong may takot sa Diyos, at kapag may mga nangyayaring bagay-bagay na hindi nila nauunawaan, nagagawa nilang hanapin ang katotohanan. Kung hindi mo maintindihan ang kalooban ng Diyos at hindi mo alam kung paano magsagawa, dapat kang makipagbahaginan sa ilang taong nakakaunawa sa katotohanan. Kung hindi mo mahanap yaong mga nakauunawa sa katotohanan, dapat kang humanap ng ilang tao na may dalisay na pagkaunawa na makakasama mong manalangin sa Diyos nang may iisang isipan at iisang puso, maghanap sa Diyos, maghintay sa takdang oras ng Diyos, at hintaying magbukas ng daan ang Diyos para sa iyo. Basta’t nananabik kayong lahat sa katotohanan, naghahanap ng katotohanan, at sama-samang nagbabahaginan tungkol sa katotohanan, maaaring dumating ang oras na makakaisip ng magandang solusyon ang isa sa inyo. Kung sa tingin ninyong lahat ay angkop ang solusyon at magandang paraan ito, maaaring dahil ito sa kaliwanagan at pagtanglaw ng Banal na Espiritu. Pagkatapos kung magpapatuloy kayo na sama-samang magbahaginan para makaisip ng isang mas tumpak na landas ng pagsasagawa, tiyak na aayon iyon sa mga prinsipyo ng katotohanan. Sa iyong pagsasagawa, kung matuklasan mo na hindi pa rin gaanong angkop ang paraan ng iyong pagsasagawa, kailangan mong itama iyon kaagad. Kung magkamali ka nang kaunti, hindi ka kokondenahin ng Diyos, dahil tama ang mga layunin mo sa iyong ginagawa, at nagsasagawa ka ayon sa katotohanan. Medyo nalilito ka lang tungkol sa mga prinsipyo at nakagawa ng pagkakamali sa iyong pagsasagawa, na maaaring mapatawad. Ngunit kapag gumagawa ng mga bagay-bagay ang karamihan sa mga tao, ginagawa nila ang mga iyon batay sa kung paano nila naiisip na dapat gawin ang mga iyon. Hindi nila ginagamit ang mga salita ng Diyos bilang batayan ng pagninilay-nilay kung paano magsagawa ayon sa katotohanan o paano matatamo ang pagsang-ayon ng Diyos. Sa halip, iniisip lang nila kung paano sila makikinabang, paano sila titingalain ng iba, at paano sila hahangaan ng iba. Ginagawa nila ang mga bagay-bagay na ganap na nakabatay sa kanilang sariling mga ideya at para lang mabigyang-kasiyahan ang kanilang sarili, na kaligaligalig. Hinding-hindi gagawin ng gayong mga tao ang mga bagay-bagay alinsunod sa katotohanan, at palagi silang kamumuhian ng Diyos. Kung talagang ikaw ay isang taong may konsensya at katwiran, anuman ang mangyari, dapat lumalapit ka sa Diyos para manalangin at maghanap, magawang seryosong suriin ang mga motibo at karumihan sa iyong mga kilos, magawang tukuyin kung ano ang tamang gawin ayon sa mga salita at hinihingi ng Diyos, at paulit-ulit na timbangin at pagnilayan kung anong mga kilos ang nakasisiya sa Diyos, anong mga kilos ang nakasusuklam sa Diyos, at anong mga kilos ang nagkakamit ng pagsang-ayon ng Diyos. Dapat mong pag-aralan nang paulit-ulit ang mga bagay na ito sa iyong isipan hanggang sa malinaw mong maunawaan ang mga ito. Kung alam mo na mayroon kang sariling mga motibo sa paggawa ng isang bagay, dapat mong pagnilayan kung ano ang iyong mga motibo, kung iyon ba ay para mapalugod ang sarili mo o mapalugod ang Diyos, kung kapaki-pakinabang ba iyon sa sarili mo o sa hinirang na mga tao ng Diyos, at kung ano ang mga kahihinatnan nito…. Kung mas maghahanap ka at magninilay nang ganito sa iyong mga panalangin, at magtatanong sa sarili mo ng mas maraming tanong para hanapin ang katotohanan, liliit nang liliit ang mga paglihis sa iyong mga kilos. Tanging ang mga kayang maghanap ng katotohanan sa ganitong paraan ang mga taong nagsasaalang-alang sa kalooban ng Diyos at may takot sa Diyos, dahil naghahanap ka alinsunod sa mga hinihingi ng mga salita ng Diyos at nang may pusong masunurin, at ang mga konklusyon na naaabot mo sa paghahanap sa ganitong paraan ay aayon sa mga prinsipyo ng katotohanan.
Kung malayo sa katotohanan ang mga pagkilos ng isang mananampalataya, kung gayon kapareho siya ng isang hindi mananampalataya. Ito ang uri ng taong wala ang Diyos sa kanyang puso, at lumilihis palayo sa Diyos, at ang gayong tao ay katulad ng isang bayarang manggagawa sa sambahayan ng Diyos na gumagawa ng maliliit na trabaho para sa kanyang amo, tumatanggap ng maliit na sahod, at pagkatapos ay umaalis. Hindi talaga ganito ang taong naniniwala sa Diyos. Ang unang bagay na dapat mong pag-isipan at pagsikapan kapag gumagawa ka ng mga bagay-bagay ay kung ano ang gagawin upang makuha ang pagsang-ayon ng Diyos; ito dapat ang prinsipyo at saklaw ng iyong pagsasagawa. Dapat mong tukuyin kung ang iyong ginagawa ay naaayon sa katotohanan dahil kung naaayon ito sa katotohanan, tiyak na naaayon ito sa kalooban ng Diyos. Hindi naman sa dapat mong masukat kung tama o mali ang bagay na ito, o kung naaayon ito sa mga panlasa ng lahat ng iba pa, o kung naaayon ito sa sarili mong mga kagustuhan; sa halip, dapat mong tukuyin kung alinsunod ito sa katotohanan, at kung may pakinabang man ito sa gawain at mga interes ng iglesia o wala. Kung isasaalang-alang mo ang mga bagay na ito, mas lalo kang makakaayon sa kalooban ng Diyos kapag gumagawa ka ng mga bagay-bagay. Kung hindi mo isasaalang-alang ang mga aspetong ito, at aasa ka lamang sa sarili mong kalooban kapag ginagawa mo ang mga bagay-bagay, kung gayon garantisadong gagawin mo ang mga ito nang mali, dahil ang kalooban ng tao ay hindi ang katotohanan at, mangyari pa, hindi kaayon ng Diyos. Kung nais mong masang-ayunan ng Diyos, kailangan mong magsagawa ayon sa katotohanan sa halip na ayon sa sarili mong kalooban. Ang ilang tao ay abala sa ilang pribadong mga bagay alang-alang sa pagganap sa kanilang mga tungkulin. Ang tingin ng kanilang mga kapatid kung gayon ay hindi ito angkop, at sinusumbatan sila dahil dito, ngunit hindi tinatanggap ng mga taong ito ang paninisi. Ipinapalagay nila na ito ay isang personal na bagay na walang kinalaman sa gawain, pananalapi, o mga tao ng iglesia, at hindi ito paggawa ng masama, kaya naman hindi dapat makialam ang mga tao. Ang ilang bagay ay tila mga pribadong bagay para sa iyo na walang kinalaman sa anumang prinsipyo o katotohanan. Gayunman, kung titingnan ang ginawa mo, napakamakasarili mo. Hindi mo isinaalang-alang ang gawain ng iglesia o ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, ni kung magiging kasiya-siya ba ito sa Diyos; isinaalang-alang mo lamang ang sarili mong kapakinabangan. May kinalaman na ito sa kagandahang-asal ng mga banal, gayundin sa pagkatao ng isang tao. Kahit walang kinalaman ang ginagawa mo sa mga interes ng iglesia, ni wala itong kinalaman sa katotohanan, ang pagiging abala sa isang pribadong bagay habang sinasabi na isinasagawa mo ang iyong tungkulin ay hindi naaayon sa katotohanan. Anuman ang iyong ginagawa, gaano man kalaki o kaliit ang isang bagay, at kung tungkulin mo man ito sa pamilya ng Diyos o sarili mong pribadong gawain, kailangan mong isipin kung naaayon ang ginagawa mo sa kalooban ng Diyos, at kung ito ba ay isang bagay na dapat gawin ng isang taong makatao. Kung ganito ang paghahanap mo ng katotohanan sa lahat ng ginagawa mo, isa kang taong tunay na nananalig sa Diyos. Kung taimtim mong tinatrato ang bawat bagay at bawat katotohanan sa ganitong paraan, magkakamit ka ng mga pagbabago sa iyong disposisyon. May mga taong nag-iisip na, “Makatarungan namang ipasagawa sa akin ang katotohanan kapag ginagampanan ko ang aking tungkulin, pero kapag inaasikaso ko ang aking mga pribadong gawain, wala akong pakialam sa sinasabi ng katotohanan—gagawin ko ang gusto ko, anuman ang kailangang gawin para makinabang ako.” Sa mga salitang ito, nakikita mo na hindi nila minamahal ang katotohanan. Walang mga prinsipyo sa ginagawa nila. Gagawin nila ang anumang may pakinabang sa kanila, nang hindi man lang iniisip ang magiging epekto nito sa sambahayan ng Diyos. Dahil dito, kapag mayroon silang nagawang ilang bagay, wala ang presensya ng Diyos sa kanila, at nakadarama sila ng kadiliman at lungkot, at hindi nila alam kung ano ang nangyayari. Hindi ba ito ang parusang nararapat sa kanila? Kung hindi mo isinasagawa ang katotohanan sa iyong mga kilos at binibigyan mo ng kahihiyan ang Diyos, nagkakasala ka sa Kanya. Kung hindi minamahal ng isang tao ang katotohanan at madalas na kumikilos nang ayon sa sarili niyang kagustuhan, madalas siyang magkakasala sa Diyos. Kasusuklaman at itatakwil siya ng Diyos, at isasantabi siya. Ang ginagawa ng gayong tao ay kadalasang nabibigong matamo ang pagsang-ayon ng Diyos, at kung hindi siya magsisisi, nalalapit na ang parusa sa kanya.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 575
Anumang tungkuling iyong tinutupad ay kinapapalooban ng pagpasok sa buhay. Kung medyo palagian man o pabagu-bago ang iyong tungkulin, nakakabagot man o masigla, dapat mong maabot palagi ang pagpasok sa buhay. Ang mga tungkuling ginagampanan ng ilang tao ay medyo nakakabagot; pare-pareho lang ang ginagawa nila araw-araw. Gayunpaman, kapag ginagampanan ang mga ito, ang mga katayuang inihahayag ng mga taong ito ay hindi gayong magkahalintulad. Kung minsan, kapag maganda ang pakiramdam nila, mas masipag ang mga tao at mas maganda ang kinalalabasan ng ginawa nila. Kung minsan naman, dahil sa hindi-malamang impluwensya, nag-uudyok ng kalokohan sa kanilang kalooban ang kanilang tiwali at mala-satanas na disposisyon, na nagiging dahilan para magkaroon sila ng di-wastong mga pananaw at sumásamâ ang kanilang katayuan at sumásamâ ang pakiramdam; dahil dito ay paimbabaw ang pagganap nila sa kanilang tungkulin. Ang mga panloob na katayuan ng mga tao ay palaging nagbabago; maaaring magbago ang mga ito saan mang lugar at anumang oras. Kung paano man nagbabago ang iyong katayuan, palaging maling kumilos batay sa iyong pakiramdam. Sabihin nang mas maganda ang trabaho mo kapag maganda ang pakiramdam mo, at medyo masama kapag masama ang pakiramdam mo—ito ba ay maprinsipyong paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay? Tutulutan ka ba nito na gampanan ang iyong tungkulin sa isang katanggap-tanggap na pamantayan? Anuman ang kanilang pakiramdam, dapat alam ng mga tao na manalangin sa harap ng Diyos at hanapin ang katotohanan; sa ganitong paraan lamang sila makakaiwas na makontrol at matangay nang paroo’t parito ng kanilang mga pakiramdam. Kapag tinutupad ang iyong tungkulin, dapat mong suriin palagi ang iyong sarili upang makita kung ginagawa mo ang mga bagay-bagay ayon sa prinsipyo, kung ang pagganap mo sa iyong tungkulin ay abot sa pamantayan, kung ginagawa mo lamang ang mga iyon nang paimbabaw o hindi, kung nasubukan mo nang iwasan ang iyong mga responsibilidad, at kung may anumang mga problema sa iyong pag-uugali at sa paraan ng iyong pag-iisip. Sa sandaling nakapagmuni-muni ka na at naging malinaw sa iyo ang mga bagay na ito, magiging mas madali ang pagtupad mo sa iyong tungkulin. Anuman ang maranasan mo habang ginagawa mo ang iyong tungkulin—pagiging negatibo at mahina, o pagkakaroon ng masamang pakiramdam matapos kang mapakitunguhan—dapat mo itong tratuhin nang maayos, at kailangan mo ring hanapin ang katotohanan at unawain ang kalooban ng Diyos. Sa paggawa ng mga bagay na ito, magkakaroon ka ng isang landas sa pagsasagawa. Kung nais mong maging maganda ang iyong trabaho sa pagtupad sa iyong tungkulin, kailangan ay huwag kang paapekto sa iyong pakiramdam. Gaano man ka-negatibo o kahina ang iyong nararamdaman, dapat mong isagawa ang katotohanan sa lahat ng iyong ginagawa, nang may ganap na kahigpitan, at pagsunod sa mga prinsipyo. Kung gagawin mo ito, hindi ka lamang sasang-ayunan ng ibang tao, kundi magugustuhan ka rin ng Diyos. Sa gayon, ikaw ay magiging isang taong responsable at bumabalikat ng pasanin; magiging isa kang tunay na mabuting tao na talagang tumutupad sa iyong mga tungkulin nang abot sa pamantayan at lubos na isinasabuhay ang wangis ng isang tunay na tao. Ang gayong mga tao ay pinadadalisay at nagkakamit ng tunay na pagbabago kapag tumutupad sa kanilang mga tungkulin, at masasabing matapat sa mga mata ng Diyos. Matatapat na tao lamang ang kayang magtiyaga sa pagsasagawa ng katotohanan at nagtatagumpay sa pagkilos nang may prinsipyo, at maaaring makatupad ng kanilang mga tungkulin na abot sa pamantayan. Ang mga taong kumikilos nang may prinsipyo ay tumutupad na maigi sa kanilang mga tungkulin kapag maganda ang pakiramdam nila; hindi sila nagtatrabaho lamang nang paimbabaw, hindi sila arogante at hindi nagpapasikat nang may kayabangan para gumanda ang reputasyon nila sa iba. Gayunpaman, kapag masama ang pakiramdam nila, tinatapos nila ang kanilang pang-araw-araw na mga gawain nang gayon din kasigasig at karesponsable, at kahit nagdaranas sila ng isang bagay na nakakasama sa pagtupad ng kanilang mga tungkulin, o na medyo gumigipit sa kanila o gumagambala sa kanila habang ginagawa nila ang kanilang mga tungkulin, nagagawa pa rin nilang manahimik sa harap ng Diyos at manalangin, na sinasabing, “Gaano man kalaki ang problema ko—kahit bumagsak pa ang kalangitan—basta’t ako ay buhay, determinado akong gawin ang lahat para tuparin ko ang aking tungkulin. Bawa’t araw na nabubuhay ako ay isang araw na dapat kong gampanan nang maayos ang aking tungkulin, nang sa gayon ako ay karapat-dapat sa tungkuling ito na ipinagkaloob sa akin ng Diyos, gayundin sa hiningang ito na ipinasok niya sa aking katawan. Gaano man ako nahihirapan, isasantabi ko ang lahat ng iyon, sapagka’t ang pagtupad sa aking tungkulin ang pinakamahalaga!” Yaong mga hindi apektado ng sinumang tao, anumang kaganapan, bagay, o kapaligiran, na hindi kontrolado ng anumang pakiramdam o sitwasyon sa labas, at inuuna sa lahat ang kanilang mga tungkulin at atas na naipagkatiwala sa kanila ng Diyos—sila ang mga taong matapat sa Diyos at tunay na nagpapasakop sa Kanya. Ang ganitong mga tao ay nakamtan na ang pagpasok sa buhay at nakapasok na sa realidad ng katotohanan. Ito ay isa sa pinakatotoo at pinakapraktikal na mga pagpapahayag ng pagsasabuhay ng katotohanan.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagpasok sa Buhay ay Nagsisimula sa Pagganap ng Tungkulin
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 576
Para sa ilang tao, anuman ang isyung maaari nilang kaharapin sa pagganap sa kanilang mga tungkulin, hindi nila hinahanap ang katotohanan, at palagi silang kumikilos ayon sa kanilang sariling mga saloobin, kuru-kuro, imahinasyon, at hangarin. Palagi nilang binibigyang-kasiyahan ang sarili nilang mga makasariling hangarin, at palaging kontrolado ng kanilang mga tiwaling disposisyon ang kanilang mga kilos. Maaaring mukhang lagi nilang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin, pero dahil hindi nila kailanman tinanggap ang katotohanan, at wala silang kakayahang gawin ang mga bagay-bagay ayon sa mga prinsipyo ng katotohanan, sa huli ay mabibigo silang magtamo ng katotohanan at buhay, at magiging mga tagapagsilbi na siyang nararapat itawag sa kanila. Kaya, saan umaasa ang mga taong ito kapag ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin? Hindi sila umaasa sa katotohanan ni sa Diyos. Ang kapirasong katotohanang iyon na nauunawaan nila ay hindi pa nangingibabaw sa kanilang puso; umaasa sila sa sarili nilang mga kaloob at talento, sa anumang kaalamang natamo nila gayundin sa kanilang sariling pagpupursigi o mabubuting layunin, para magampanan ang mga tungkuling ito. At sa ganitong sitwasyon, magagawa ba nilang gampanan ang kanilang mga tungkulin ayon sa katanggap-tanggap na pamantayan? Kapag umaasa ang mga tao sa kanilang likas na kalagayan, mga kuru-kuro, imahinasyon, kadalubhasaan, at pagkatutong gampanan ang kanilang mga tungkulin, bagama’t maaaring mukhang ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin at hindi sila gumagawa ng masama, hindi nila isinasagawa ang katotohanan, at wala silang nagawang anuman na nakalulugod sa Diyos. Mayroon ding isa pang problema na hindi maipagwawalang-bahala: Sa proseso ng pagganap sa iyong tungkulin, kung hindi nagbabago ang iyong mga kuru-kuro, imahinasyon, at personal na hangarin kailanman at hindi napapalitan ng katotohanan kailanman, at kung ang iyong mga kilos at gawa ay hindi isinasakatuparan alinsunod sa prinsipyo ng katotohanan, ano ang huling kalalabasan nito? Hindi ka magkakaroon ng pagpasok sa buhay, magiging tagasilbi ka, sa gayon ay matutupad ang mga salita ng Panginoong Jesus: “Marami ang mangagsasabi sa Akin sa araw na yaon, ‘Panginoon, Panginoon, hindi baga nagsipanghula kami sa Iyong pangalan, at sa pangalan Mo ay nangagpalayas kami ng mga demonyo, at sa pangalan Mo ay nagsigawa kami ng maraming gawang kamangha-mangha?’ At kung magkagayon ay ipahahayag Ko sa kanila, ‘Kailanman ay hindi Ko kayo nangakilala: magsilayo kayo sa Akin, kayong manggagawa ng katampalasanan’” (Mateo 7:22–23). Bakit tinatawag ng Diyos ang mga taong ito na nagsusumikap at gumagawa ng serbisyo na masasamang tao? May isang punto tayong matitiyak, at iyon ay na anumang mga tungkulin o gawain ang ginagawa ng mga taong ito, ang kanilang mga motibasyon, pampasigla, layunin, at saloobin ay nagmumulang lahat sa kanilang makasariling mga hangarin, at ang mga iyon ay pawang para protektahan ang sarili nilang mga interes at inaasam-asam, at para mapalugod ang sarili nilang pagpapahalaga sa sarili, banidad at katayuan. Lahat ng iyon ay nakasentro sa mga konsiderasyon at kalkulasyong ito, walang katotohanan sa kanilang puso, wala silang pusong may takot at sumusunod sa Diyos—ito ang ugat ng problema. Ano, sa ngayon, ang mahalagang hangarin ninyo? Sa lahat ng bagay, dapat ninyong hanapin ang katotohanan, at dapat ninyong gampanan ang inyong tungkulin nang maayos ayon sa kalooban ng Diyos at sa hinihingi ng Diyos. Kung gagawin ninyo ito, tatanggap kayo ng papuri ng Diyos. Kaya ano ba talaga ang sangkot sa pagganap ng inyong tungkulin ayon sa hinihingi ng Diyos? Sa lahat ng ginagawa ninyo, dapat kayong matutong manalangin sa Diyos, dapat ninyong pagnilayan kung ano ang inyong mga motibasyon, kung ano ang inyong mga saloobin, at kung ang mga motibasyon at saloobing ito ay naaayon sa katotohanan; kung hindi, dapat isantabi ang mga ito, pagkatapos ay dapat kayong kumilos ayon sa mga prinsipyo ng katotohanan, at tumanggap ng masusing pagsisiyasat ng Diyos. Titiyakin nito na isasagawa ninyo ang katotohanan. Kung mayroon kayong sariling mga motibasyon at layon, at alam na alam ninyo na lumalabag ang mga iyon sa katotohanan at salungat sa kalooban ng Diyos, pero hindi pa rin kayo nagdarasal sa Diyos at naghahanap ng katotohanan para sa isang solusyon, mapanganib ito, madali kang makakagawa ng kasamaan at ng mga bagay na sumasalungat sa Diyos. Kung makagawa kayo ng kasamaan nang minsan o makalawang beses at magsisi kayo, may pag-asa pa rin kayong maligtas. Kung patuloy kayong gumagawa ng kasamaan—kung ginagawa ninyo ang lahat ng uri ng masasamang gawa—at hindi pa rin kayo nagsisisi, nanganganib kayo: isasantabi kayo ng Diyos o pababayaan kayo, na ibig sabihin ay may peligrong palayasin kayo; ang mga taong gumagawa ng lahat ng uri ng masasamang gawa ay tiyak na parurusahan at palalayasin.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 577
Dapat maunawaan ng mga tao na may isang pangunahing prinsipyo sa pagtrato sa mga nilikha ang Panginoon ng paglikha, na siya ring pinakamataas na prinsipyo. Kung paano tratuhin ng Panginoon ng paglikha ang mga nilikha ay lubos na nababatay sa Kanyang plano ng pamamahala at sa Kanyang mga hinihingi sa gawain; hindi Niya kailangang sumangguni kaninuman, ni hindi Niya kailangang pasang-ayunin sa Kanya ang sinuman. Anuman ang dapat Niyang gawin at paano man Niya dapat tratuhin ang mga tao, ginagawa Niya, at, anuman ang Kanyang ginagawa o paano man Niya tinatrato ang mga tao, lahat ng ito ay naaayon sa mga prinsipyo ng katotohanan, at sa mga prinsipyo ng paggawa ng Panginoon ng paglikha. Bilang isang nilikha, ang tanging dapat gawin ay magpasakop sa Lumikha; hindi dapat gumawa ang isang tao ng sarili niyang pagpili. Ito ang katwirang dapat mayroon ang mga nilikha, at kung wala nito ang isang tao, hindi siya nararapat tawaging isang tao. Dapat maunawaan ng mga tao na ang Panginoon ng paglikha ay laging magiging Panginoon ng paglikha; nasa Kanya ang kapangyarihan at mga katangian upang pangasiwaan at pamahalaan ang sinumang nilikha ayon sa gusto Niya, at hindi kailangang magkaroon ng dahilan para gawin iyon. Ito ang Kanyang awtoridad. Wala ni isa man sa mga nilalang ng paglikha ang may karapatan o karapat-dapat humatol kung tama ba o mali ang ginagawa ng Panginoon ng paglikha, kung paano Siya dapat kumilos. Walang nilalang ang may karapatang mamili kung tatanggapin ba niya ang paghahari at mga pagsasaayos ng Lumikha; at walang nilalang ang may karapatang masunod sa kung paano pinaghaharian at isinasaayos ng Lumikha ang kanyang kapalaran. Ito ang pinakamataas na katotohanan. Anuman ang nagawa na ng Panginoon ng paglikha sa Kanyang mga nilikha, at paano man Niya nagawa na iyon, isa lamang ang dapat gawin ng mga taong Kanyang nilikha: Hanapin, magpasakop, alamin, at tanggapin ang lahat ng inilagay ng Panginoon ng paglikha. Ang magiging resulta sa huli ay na maisasakatuparan na ng Panginoon ng paglikha ang Kanyang plano ng pamamahala at matatapos na ang Kanyang gawain, na naging sanhi upang sumulong ang Kanyang plano ng pamamahala nang walang anumang mga sagabal; samantala, dahil natanggap na ng mga nilikha ang pamamahala at mga pagsasaayos ng Lumikha, at nagpasakop na sa Kanyang pamamahala at mga pagsasaayos, matatamo na nila ang katotohanan, mauunawaan na ang kalooban ng Lumikha, at malalaman na ang Kanyang disposisyon. May isa pang prinsipyo na kailangan Kong sabihin sa inyo: Anuman ang ginagawa ng Lumikha, paano man Siya nagpapamalas, at malaki man o maliit ang Kanyang ginagawa, Siya pa rin ang Lumikha; samantalang ang buong sangkatauhan, na Kanyang nilikha, anuman ang kanilang nagawa, at gaano man sila katalentado o katalino, ay nananatiling mga nilikha. Tungkol naman sa mga taong nilikha, gaano man karaming biyaya at gaano man karaming pagpapala ang natanggap nila mula sa Lumikha, o gaano man kalaking awa, mapagmahal na kabaitan, o kabutihan, hindi sila dapat maniwala na naiiba sila sa madla, o mag-isip na maaari silang makapantay sa Diyos at na mataas na ang kanilang katungkulan sa lahat ng nilalang. Ilang kaloob man ang naigawad sa iyo ng Diyos, o gaano kalaking biyaya ang naibigay Niya sa iyo, o gaano kabait ka man Niya natrato, o nabigyan ka man Niya ng ilang espesyal na talento, wala sa mga ito ang mga yaman mo. Ikaw ay isang nilikha, at sa gayon ay magiging isa kang nilikha magpakailanman. Huwag na huwag mong iisipin na, “Isa akong munting sinta sa mga kamay ng Diyos. Hinding-hindi ako isasantabi ng Diyos, ang saloobin ng Diyos sa akin ay lagi nang magiging isang pagmamahal, pagmamalasakit at magigiliw na paghaplos, na may kasamang mga bulong ng aliw at pagpapalakas ng loob.” Bagkus, sa mga mata ng Lumikha, katulad ka ng lahat ng iba pang nilikha; maaari kang gamitin ng Diyos kung gusto Niya, at mapangangasiwaan ka rin Niya kung gusto Niya, at maaari Niyang isaayos kung gusto Niya na gampanan mo ang anumang papel sa lahat ng uri ng tao, kaganapan, at bagay. Ito ang kaalamang dapat magkaroon ang mga tao, at ang magandang pag-unawang dapat nilang taglayin. Kung mauunawaan at matatanggap ng tao ang mga salitang ito, magiging mas normal ang kaugnayan nila sa Diyos, at magtatatag sila ng napaka-makatwirang kaugnayan sa Kanya; kung mauunawaan at matatanggap ng tao ang mga salitang ito, ibabagay nila nang wasto ang kanilang katayuan, lalagay sa kanilang lugar doon, at paninindigan ang kanilang tungkulin.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pag-unawa Lamang sa Katotohanan Malalaman ng Isang Tao ang mga Gawa ng Diyos
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 578
Ang pagkilala sa Diyos ay sa pamamagitan dapat ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos, at pagsasagawa at pagdanas ng mga salita ng Diyos, gayundin ng pagdanas ng maraming pagsubok, pagpipino, pagpupungos at pagwawasto; saka lamang posibleng magkaroon ng tunay na kaalaman tungkol sa gawain at disposisyon ng Diyos. Sinasabi ng ilan: “Hindi ko pa nakikita ang Diyos na nagkatawang-tao, kaya paano ko dapat makilala ang Diyos?” Sa katunayan, ang mga salita ng Diyos ay isang pagpapahayag ng Kanyang disposisyon. Mula sa mga salita ng Diyos, makikita mo ang Kanyang pagmamahal at pagliligtas para sa mga tao, gayundin ang Kanyang pamamaraan ng pagliligtas sa kanila…. Ito ay dahil ang Kanyang mga salita ay ipinahayag ng Diyos Mismo, hindi isinulat ng mga tao. Personal na ipinahayag ng Diyos ang mga ito; ipinapahayag ng Diyos Mismo ang sarili Niyang mga salita at ang tinig ng Kanyang puso, na maaari ding tawaging mga salita mula sa Kanyang puso. Bakit tinatawag ang mga ito na mga salitang mula sa Kanyang puso? Dahil ang mga ito ay nagmumula sa kaibuturan, at nagpapahayag ng Kanyang disposisyon, Kanyang kalooban, Kanyang mga ideya at iniisip, Kanyang pagmamahal sa sangkatauhan, Kanyang pagliligtas sa sangkatauhan, at Kanyang mga inaasahan sa sangkatauhan…. Kasama sa mga pahayag ng Diyos ang masasakit na salita, at banayad at may konsiderasyong mga salita, gayundin ang ilang salitang nagbubunyag na hindi naaayon sa mga naisin ng tao. Kung tinitingnan mo lamang ang mga salitang nagbubunyag, maaari mong madama na medyo mabagsik ang Diyos. Kung tinitingnan mo lamang ang mga banayad na salita, maaari mong madama na hindi gaanong maawtoridad ang Diyos. Samakatuwid ay hindi mo dapat unawain ang mga ito nang wala sa konteksto; sa halip, tingnan mo ang mga ito mula sa bawat anggulo. Kung minsan ay nagsasalita ang Diyos mula sa isang mahabaging pananaw, at pagkatapos ay nakikita ng mga tao ang Kanyang pagmamahal para sa sangkatauhan; kung minsan ay nagsasalita Siya mula sa napaka-istriktong pananaw, at pagkatapos ay nakikita ng mga tao na ang Kanyang disposisyon ay walang pinalalampas na kasalanan, na ang tao ay nakalulungkot ang karumihan, at hindi karapat-dapat na tumingin sa mukha ng Diyos o lumapit sa Kanya, at na tinutulutan sila ngayon na lumapit sa Kanya dahil lamang sa Kanyang biyaya. Makikita ang karunungan ng Diyos sa paraan ng Kanyang paggawa at sa kabuluhan ng Kanyang gawain. Nakikita pa rin ng mga tao ang mga bagay na ito sa mga salita ng Diyos, kahit walang anumang tuwirang pakikipag-ugnayan sa Kanya. Kapag nakaugnayan ng isang taong tunay na nakakakilala sa Diyos si Cristo, ang pagtatagpo nila ni Cristo ay maaaring tumugma sa kanyang kasalukuyang kaalaman tungkol sa Diyos; gayunman, kapag ang isang taong mayroon lamang teoretikal na pagkaunawa ay nakakatagpo si Cristo, hindi niya nakikita ang koneksyon. Ang katotohanan ng pagkakatawang-tao ng Diyos ay ang pinakamalalim sa lahat ng hiwaga; mahirap itong arukin para sa tao. Pagsamahin ang mga salita ng Diyos tungkol sa hiwaga ng pagkakatawang-tao, tingnan ang mga ito mula sa lahat ng anggulo, pagkatapos ay sama-samang manalangin, magnilay-nilay, at higit pang magbahaginan tungkol sa aspetong ito ng katotohanan. Sa paggawa nito, magtatamo ka ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu at makakaunawa ka. Dahil walang pagkakataon ang mga tao na tuwirang makaugnayan ang Diyos, kailangan nilang umasa sa ganitong uri ng karanasan para maingat silang makapagpatuloy at unti-unting makapasok kung nais nilang sa huli ay magtamo ng tunay na kaalaman tungkol sa Diyos.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 579
Ano ang ibig sabihin ng makilala ang Diyos? Ibig sabihin nito ay nakakayang maintindihan ang Kanyang galak, galit, lungkot, at tuwa, at sa gayon ay makilala ang Kanyang disposisyon—ito ang talagang pagkakilala sa Diyos. Inaangkin mong nakikita mo na ang Diyos, ngunit hindi mo nauunawaan ang galak, galit, lungkot, at tuwa ng Diyos, hindi mo nauunawaan ang Kanyang disposisyon. Ni hindi mo rin nauunawaan ang Kanyang pagiging matuwid, ni ang Kanyang pagka-mahabagin, ni hindi mo alam kung ano ang gusto o kinamumuhian Niya. Hindi ito pagkakilala sa Diyos. Nagagawang sundan ng ilang tao ang Diyos, pero hindi iyan nangangahulugan na tunay silang nananalig sa Diyos. Ang tunay na pananalig sa Diyos ay pagsunod sa Diyos. Ang mga hindi tunay na sumusunod sa Diyos ay hindi tunay na nananalig sa Diyos—dito nagkakaroon ng pagkakaiba. Kapag nasunod mo ang Diyos nang ilang taon, at may kaalaman at pagkaunawa ka tungkol sa Diyos, kapag mayroon kang kaunting pagkaunawa at pagkaintindi sa kalooban ng Diyos, kapag nababatid mo ang masigasig na layunin ng Diyos sa pagliligtas sa tao: noon ka tunay na nananalig sa Diyos, tunay na sumusunod sa Diyos, tunay na nagmamahal sa Diyos, at tunay na sumasamba sa Diyos. Kung naniniwala ka sa Diyos pero hindi mo hinahangad na makilala ang Diyos, at wala kang pagkaunawa sa kalooban ng Diyos, disposisyon ng Diyos, at gawain ng Diyos, isa ka lamang tagasunod na humahabol sa Diyos at sumusunod sa anumang ginagawa ng nakararami. Hindi iyan matatawag na tunay na pagpapasakop, lalong hindi tunay na pagsamba. Paano ba nangyayari ang tunay na pagsamba? Walang natatangi, lahat ng nakakakita sa Diyos at talagang kilala ang Diyos ay sinasamba at iginagalang Siya; silang lahat ay nauudyukang yumukod at sumamba sa Kanya. Sa kasalukuyan, habang ang Diyos na nagkatawang-tao ay gumagawa, mas higit ang pagkaunawa na mayroon ang mga tao tungkol sa Kanyang disposisyon at kung ano ang mayroon Siya at ano Siya, mas higit na pahahalagahan nila ang mga ito at mas higit nilang igagalang Siya. Sa pangkalahatan, kapag mas hindi nauunawaan ng mga tao ang Diyos, mas lalo silang pabaya, kung kaya itinuturing nilang tao ang Diyos. Kung talagang kilala at nakikita ng mga tao ang Diyos, mangangatog sila sa takot at yuyukod sa lupa. “Siya na dumarating kasunod ko ay lalong makapangyarihan kaysa sa akin, na hindi ako karapat-dapat magdala ng kanyang pangyapak” (Mateo 3:11)—bakit sinabi ito ni Juan? Bagamat sa kaibuturan wala siyang napakalalim na kaalaman sa Diyos, alam niyang kagila-gilalas ang Diyos. Ilang tao sa panahon ngayon ang kayang gumalang sa Diyos? Kung hindi nila alam ang Kanyang disposisyon, paano sila makakagalang sa Kanya? Kung hindi alam ng mga tao ang diwa ni Cristo ni hindi nauunawaan ang disposisyon ng Diyos, mas lalong hindi nila makakayang tunay na sambahin ang totoong Diyos. Kung nakikita lamang nila ang ordinaryo at normal na panlabas na anyo ni Cristo, subalit hindi alam ang diwa Niya, kung gayon madali para sa kanila na ituring si Cristo bilang isang ordinaryong tao lamang. Maaaring magtaglay sila ng walang-paggalang na saloobin sa Kanya, at dayain Siya, tutulan Siya, suwayin Siya, at husgahan Siya. Maaaring nag-aakala silang mas matuwid sila kaysa sa iba at hindi seryosohin ang Kanyang salita, maaari pa ngang pagmulan sila ng mga kuru-kuro, mga pagkondena at paglapastangan laban sa Diyos. Para malutas ang mga usaping ito, dapat malaman ng isang tao ang diwa at ang pagka-Diyos ni Cristo. Ito ang pangunahing aspeto ng pagkilala sa Diyos; ito ang kailangang pasukin at tamuhin ng lahat ng mananampalataya sa praktikal na Diyos.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi