Pagpasok sa Buhay V
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 520
Noong panahong sinusundan niya si Jesus, nagbuo ng maraming opinyon si Pedro tungkol sa Kanya at palagi Siyang hinusgahan mula sa sarili niyang pananaw. Bagama’t may kaunting pagkaunawa tungkol sa Espiritu, medyo malabo ang kanyang pagkaunawa, kaya sinabi niya: “Kailangan kong sundan siya na isinugo ng Ama sa langit. Kailangan kong kilalanin siya na pinili ng Banal na Espiritu.” Hindi niya naunawaan ang mga bagay na ginawa ni Jesus at hindi niya naliwanagan ang mga iyon. Matapos Siyang sundan nang ilang panahon, lumago ang interes ni Pedro sa Kanyang ginawa at sinabi, at kay Jesus Mismo. Nadama niya na naghikayat si Jesus kapwa ng pagmamahal at paggalang; ginusto niyang makasama Siya at manatili sa Kanyang tabi, at ang pakikinig sa mga salita ni Jesus ay nagbigay sa kanya ng panustos at tulong. Sa panahong sinundan niya si Jesus, minasdan at isinapuso ni Pedro ang lahat tungkol sa Kanyang buhay: Kanyang mga kilos, salita, galaw, at pagpapahayag. Nagtamo siya ng malalim na pagkaunawa na si Jesus ay hindi katulad ng ordinaryong mga tao. Bagama’t ang Kanyang hitsura ay lubhang normal, puno Siya ng pagmamahal, habag, at pagpaparaya sa tao. Lahat ng Kanyang ginawa o sinabi ay malaking tulong sa iba, at nakita at natamo ni Pedro ang mga bagay na hindi pa niya nakita o nakamtan kailanman mula kay Jesus. Nakita niya na bagama’t walang mataas na tayog ni ng pambihirang pagkatao si Jesus, mayroon Siyang ere na talagang pambihira at di-pangkaraniwan. Bagama’t hindi ito lubos na maipaliwanag ni Pedro, nakita niya na iba ang kilos ni Jesus sa lahat ng iba pa, sapagkat ang mga bagay na Kanyang ginawa ay ibang-iba sa normal na mga tao. Mula sa panahon ng kanyang pakikipag-ugnayan kay Jesus, nakita rin ni Pedro na ang Kanyang pagkatao ay iba sa isang ordinaryong tao. Palagi Siyang matatag at hindi nagmamadali kailanman kung kumilos, hindi labis ni kulang sa isang paksa kailanman, at namuhay Siya sa isang paraang naghayag ng isang katangian na kapwa normal at kahanga-hanga. Sa pakikipag-usap, simple at kaaya-ayang magsalita si Jesus, na palaging nakikipag-ugnayan sa masaya subalit mahinahong paraan—subalit hindi nawala kailanman ang Kanyang dignidad samantalang isinasagawa ang Kanyang gawain. Nakita ni Pedro na kung minsan ay walang imik si Jesus, samantalang sa ibang mga pagkakataon naman ay wala Siyang tigil sa pagsasalita. Kung minsan ay napakasaya Niya kaya mukha Siyang isang paluksu-lukso at tuwang-tuwang kalapati, at sa ibang mga pagkakataon naman ay napakalungkot Niya kaya hindi man lamang Siya talaga nagsasalita, na mukhang puno ng dalamhati na parang pagod na pagod na ina. Kung minsan galit na galit Siya na parang isang matapang na sundalo na lumulusob para patayin ang isang kaaway o, sa ilang pagkakataon, mukha pa nga siyang isang umuungol na leon. Kung minsan tumatawa Siya; kung minsan naman nagdarasal Siya at umiiyak. Paano man kumilos si Jesus, lumago ang walang-hanggang pagmamahal at paggalang ni Pedro para sa Kanya. Ang pagtawa ni Jesus ay pinuspos siya ng kaligayahan, ang Kanyang kalungkutan ay isinadlak siya sa pighati, ang Kanyang galit ay tumakot sa kanya, samantalang ang Kanyang habag, pagpapatawad, at mahihigpit na kahilingan Niya sa mga tao ay naging dahilan para tunay niyang mahalin si Jesus at magkaroon ng tunay na pagpipitagan at pananabik sa Kanya. Siyempre pa, unti-unti lamang natanto ni Pedro ang lahat ng ito nang namuhay siyang kasama ni Jesus sa loob ng ilang taon.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Nakilala ni Pedro si Jesus
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 521
May rurok sa mga karanasan ni Pedro, noong halos lupaypay na ang kanyang buong katawan, ngunit pinalakas pa rin ni Jesus ang kanyang loob. At minsan, nagpakita si Jesus kay Pedro. Noong matindi ang pagdurusa ni Pedro at nadama niyang wasak ang kanyang puso, inutusan siya ni Jesus: “Kasama kita sa lupa, at kasama mo Ako rito. At bagama’t magkasama tayo noon sa langit, ito naman ay sa espirituwal na mundo. Ngayon ay nakabalik Ako sa espirituwal na mundo, at ikaw ay nasa lupa, sapagkat hindi Ako nagmula sa lupa, at bagama’t hindi ka nagmula sa lupa, kailangan mong gampanan ang iyong tungkulin sa lupa. Dahil ikaw ay isang lingkod, kailangan mong tuparin ang iyong tungkulin.” Nang marinig ni Pedro na maaari siyang bumalik sa tabi ng Diyos, naaliw siya. Noon, lungkot na lungkot si Pedro na halos maratay siya sa banig ng karamdaman; nakadama siya ng pagsisisi hanggang sa sabihin niyang: “Napakatiwali ko kaya hindi ko mapalugod ang Diyos.” Nagpakita si Jesus sa kanya at nagsabing: “Pedro, nalimutan mo kaya ang matibay na pagpapasiyang ginawa mong minsan sa Aking harapan? Talaga bang nalimutan mo na ang lahat ng sinabi Ko? Nalimutan mo na ba ang matibay na pagpapasiyang ginawa mo sa Akin?” Nang makitang si Jesus iyon, bumangon si Pedro mula sa kanyang higaan, at pinanatag siya ni Jesus nang ganito: “Hindi Ako nagmula sa lupa, sinabi Ko na sa iyo—kailangan mo itong maunawaan, ngunit nalimutan mo na ba ang ibang sinabi Ko sa iyo? ‘Hindi ka rin nagmula sa lupa, hindi ka nagmula sa mundo.’ Ngayon mismo, may gawaing kailangan mong gawin. Hindi ka maaaring magdalamhati nang ganito. Hindi ka maaaring magdusa nang ganito. Bagama’t ang mga tao at ang Diyos ay hindi maaaring umiral nang magkasama sa iisang mundo, mayroon Akong gawain at mayroon kang iyo, at balang araw kapag natapos ang gawain mo, magkakasama tayo sa isang dako, at aakayin kita upang makasama Ko magpakailanman.” Naaliw at muling napanatag si Pedro nang marinig ang mga salitang ito. Alam niya na ang pagdurusang ito ay isang bagay na kinailangan niyang tiisin at maranasan, at mula noon, nagkaroon siya ng inspirasyon. Sadyang nagpakita sa kanya si Jesus sa bawat mahalagang sandali, na binibigyan siya ng espesyal na kaliwanagan at patnubay, at marami Siyang ginawang gawain sa kanyang kalooban. At ano ang bagay na higit na pinagsisihan ni Pedro? Hindi pa natatagalan matapos sabihin ni Pedro na “Ikaw ang Anak ng buhay na Diyos,” nagpahayag ng isa pang tanong si Jesus kay Pedro (bagama’t hindi ito nakatala sa Bibliya sa ganitong paraan). Tinanong siya ni Jesus: “Pedro! Minahal mo na ba Ako kahit minsan?” Naunawaan ni Pedro ang ibig Niyang sabihin, at sinabi: “Panginoon! Minsa’y minahal ko ang Ama sa langit, ngunit inaamin ko hindi Kita minahal kailanman.” Pagkatapos ay sinabi ni Jesus: “Kung hindi minamahal ng mga tao ang Ama sa langit, paano nila mamahalin ang Anak sa lupa? At kung hindi minamahal ng mga tao ang Anak na isinugo ng Diyos Ama, paano nila mamahalin ang Ama sa langit? Kung tunay na minamahal ng mga tao ang Anak sa lupa, tunay nilang minamahal ang Ama sa langit.” Nang marinig ni Pedro ang mga salitang ito, natanto niya ang kanyang naging pagkukulang. Lagi siyang nagsisisi hanggang sa mapaluha siya sa kanyang mga salitang “Minsa’y minahal ko ang Ama sa langit, ngunit hindi Kita minahal kailanman.” Pagkaraang mabuhay na mag-uli at umakyat sa langit si Jesus, nakadama siya ng higit na pagsisisi at dalamhati sa mga salitang ito. Kapag naaalala niya ang kanyang nakaraang gawain at kasalukuyang tayog, madalas siyang nagdarasal kay Jesus, na laging nakadarama ng pagsisisi at pagkakautang dahil sa hindi niya natugunan ang kalooban ng Diyos at hindi siya umabot sa mga pamantayan ng Diyos. Ang mga isyung ito ang naging pinakamalaki niyang pasanin. Sabi niya: “Balang araw ilalaan ko sa Iyo ang lahat ng mayroon ako at lahat ng pagkatao ko, at ibibigay ko sa Iyo yaong pinakamahalaga.” Sabi niya: “Diyos ko! Iisa lamang ang aking pananampalataya at iisa lamang ang aking minamahal. Walang halaga ang aking buhay, at walang halaga ang aking katawan. Iisa lamang ang aking pananampalataya at iisa lamang ang aking minamahal. Sumasampalataya ako sa Iyo sa aking isipan at minamahal Kita sa puso ko; ang dalawang bagay na ito lamang ang tanging maibibigay ko sa Iyo at wala nang iba pa.” Lubhang lumakas ang loob ni Pedro sa mga salita ni Jesus, dahil bago ipinako si Jesus sa krus, nasabi Niya kay Pedro: “Hindi Ako nagmula sa mundong ito, at hindi ka rin nagmula sa mundong ito.” Kalaunan, nang makadama si Pedro ng matinding pasakit, pinaalalahanan siya ni Jesus: “Pedro, nalimutan mo na ba? Hindi Ako nagmula sa mundo, at lumisan lamang Ako nang mas maaga para sa Aking gawain. Hindi ka rin nagmula sa mundo, nalimutan mo na ba talaga? Dalawang beses Ko nang sinabi sa iyo, hindi mo ba natatandaan?” Nang marinig ito ni Pedro, sinabi niya: “Hindi ko pa nalilimutan!” Pagkatapos ay sinabi ni Jesus: “Minsan ka nang masayang nakipagtipon sa Akin sa langit at isang panahon sa Aking tabi. Nangungulila ka sa Akin, at nangungulila Ako sa iyo. Bagama’t hindi karapat-dapat na banggitin ang mga nilikha sa Aking mga mata, paanong hindi Ko mamahalin yaong walang-malay at kaibig-ibig? Nalimutan mo na ba ang Aking pangako? Kailangan mong tanggapin ang Aking tagubilin sa lupa; kailangan mong tuparin ang gawaing ipinagkatiwala Ko sa iyo. Balang araw tiyak na aakayin kita patungo sa Aking tabi.” Matapos itong marinig, mas lumakas ang loob ni Pedro at tinanggap ang mas malaki pang inspirasyon, nang sa gayon nang siya ay nasa krus, nasabi Niyang: “Diyos ko! Hindi ko magawang mahalin Ka nang sapat! Kahit hilingin Mong mamatay ako, hindi pa rin Kita maaaring mahalin nang sapat! Saan Mo man isugo ang aking kaluluwa, tuparin Mo man o hindi ang dati Mong mga pangako, anuman ang gawin Mo pagkatapos, mahal Kita at naniniwala ako sa Iyo.” Ang kanyang pinanghawakan ay ang kanyang pananampalataya, at tunay na pagmamahal.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Nakilala ni Pedro si Jesus
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 522
Ngayon ay dapat mo nang makita nang malinaw ang eksaktong landas na tinahak ni Pedro. Kung malinaw mong nakikita ang landas ni Pedro, makatitiyak ka sa gawaing ginagawa ngayon, para hindi ka magreklamo o magsawalang-kibo, o manabik sa anuman. Dapat mong maranasan ang pakiramdam ni Pedro sa panahong iyon: Labis siyang nalungkot; hindi na siya humiling ng kinabukasan o anumang mga pagpapala. Hindi siya naghangad na kumita, lumigaya, sumikat, o yumaman sa mundo; hinangad lamang niyang mamuhay ng pinaka-makabuluhang buhay, yaong masuklian ang pagmamahal ng Diyos at mailaan ang itinuring niyang pinakamahalaga sa Diyos. Sa gayon ay malulugod siya sa kanyang puso. Madalas siyang manalangin kay Jesus sa mga salitang: “Panginoong Jesucristo, minsan Kitang minahal, ngunit hindi Kita tunay na minahal. Bagama’t sinabi kong may pananampalataya ako sa Iyo, kailanma’y hindi Kita minahal nang taos-puso. Iginalang lamang Kita, sinamba Kita, at pinangulilahan Kita, ngunit hindi Kita minahal kailanman ni hindi ako talaga nagkaroon ng pananampalataya sa Iyo.” Palagi siyang nanalangin upang matibay siyang makapagpasiya, at palagi siyang nahikayat sa mga salita ni Jesus at naganyak siya mula sa mga iyon. Kalaunan, pagkaraan ng isang panahon ng karanasan, sinubok siya ni Jesus, na inuudyukan siyang manabik pang lalo sa Kanya. Sinabi niya: “Panginoong Jesucristo! Labis akong nangungulila sa Iyo, at nananabik akong masilayan Ka. Labis akong nagkukulang, at hindi ko matumbasan ang Iyong pagmamahal. Nagmamakaawa akong kunin Mo na ako kaagad. Kailan Mo ako kakailanganin? Kailan Mo ako kukunin? Kailan ko muling masisilayan ang Iyong mukha? Ayaw ko nang mabuhay sa katawang ito, upang patuloy na maging tiwali, ni hindi ko nais na maghimagsik pa. Handa akong ilaan sa Iyo ang lahat ng mayroon ako sa lalong madaling panahon, at ayaw kong palungkutin Ka pa.” Ganito siya nanalangin, ngunit hindi niya alam sa panahong ito kung ano ang gagawing perpekto ni Jesus sa kanya. Habang nahihirapan sa kanyang pagsubok, nagpakitang muli si Jesus sa kanya at sinabing: “Pedro, nais kong gawin kang perpekto, hanggang sa ikaw ay maging isang piraso ng bunga, na siyang bubuo sa Aking pagpeperpekto sa iyo, at siyang ikasisiya Ko. Maaari ka bang tunay na magpatotoo para sa Akin? Nagawa mo ba ang ipinagagawa Ko sa iyo? Naisabuhay mo ba ang mga salitang nasambit Ko? Minsan mo Akong minahal, ngunit kahit minahal mo Ako, naisabuhay mo ba Ako? Ano ang nagawa mo para sa Akin? Kinikilala mo na hindi ka karapat-dapat sa Aking pagmamahal, ngunit ano ang nagawa mo para sa Akin?” Nakita ni Pedro na wala siyang nagawa para kay Jesus at naalala niya ang dating sumpa na ibibigay niya ang kanyang buhay sa Diyos. Kaya nga, hindi na siya nagreklamo, at ang kanyang mga panalangin mula noon ay mas bumuti pa. Nanalangin siya, sinasabing: “Panginoong Jesucristo! Minsan Kitang tinalikuran, at minsan Mo rin akong tinalikuran. Gumugol tayo ng panahon na magkahiwalay, at ng panahon na magkasama. Subalit minahal Mo ako nang higit sa lahat. Paulit-ulit akong naghimagsik laban sa Iyo at paulit-ulit Kitang pinagdalamhati. Paano ko malilimutan ang gayong mga bagay? Lagi kong isinasaisip at hindi ko kinalilimutan ang gawaing nagawa mo sa akin at ang naipagkatiwala Mo sa akin. Nagawa ko ang lahat ng makakaya ko para sa gawaing nagawa Mo sa akin. Alam Mo kung ano ang kaya kong gawin, at alam Mo rin kung anong papel ang kaya kong gampanan. Nais kong magpasakop sa Iyong mga pagsasaayos, at ilalaan ko sa Iyo ang lahat ng mayroon ako. Ikaw lamang ang nakakaalam kung ano ang kaya kong gawin para sa Iyo. Bagama’t labis akong nilinlang ni Satanas at naghimagsik ako laban sa Iyo, naniniwala ako na hindi Mo ako inaalala sa mga paglabag na iyon at na hindi Mo ako tinatrato batay sa mga iyon. Nais kong ilaan ang buong buhay ko sa Iyo. Wala akong hinihiling, ni wala akong ibang mga inaasam o mga plano; nais ko lamang kumilos ayon sa Iyong layon at gawin ang Iyong kalooban. Iinom ako mula sa Iyong mapait na saro, at narito ako upang pag-utusan Mo.”
Kailangang maging malinaw sa inyo ang landas na inyong tinatahak; kailangang maging malinaw sa inyo ang landas na inyong tatahakin sa hinaharap, kung ano ang gagawing perpekto ng Diyos, at kung ano ang naipagkatiwala sa inyo. Balang araw, marahil, susubukin kayo, at pagdating ng panahong iyon, kung nakakuha kayo ng inspirasyon mula sa mga karanasan ni Pedro, ipapakita nito na talagang tumatahak kayo sa landas ni Pedro. Pinuri ng Diyos si Pedro sa kanyang tunay na pananampalataya at pagmamahal, at sa kanyang katapatan sa Diyos. At ginawa siyang perpekto ng Diyos dahil sa kanyang katapatan at taos-pusong pananabik sa Diyos. Kung totoong katulad ng kay Pedro ang taglay mong pagmamahal at pananampalataya, tiyak na gagawin kang perpekto ni Jesus.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Nakilala ni Pedro si Jesus
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 523
Noong siya ay kinakastigo ng Diyos, nanalangin si Pedro, “O Diyos! Ang aking laman ay masuwayin, at kinakastigo Mo ako at hinahatulan ako. Ako ay nagagalak sa Iyong pagkastigo at paghatol, at kahit hindi Mo ako nais, sa Iyong paghatol ay nakikita ko ang Iyong banal at matuwid na disposisyon. Kapag hinahatulan Mo ako, upang makita ng iba ang Iyong matuwid na disposisyon sa Iyong paghatol, ako ay nasisiyahan. Kung maipapahayag nito ang Iyong disposisyon at mapahihintulutan ang Iyong matuwid na disposisyon na makita ng lahat ng nilalang, at kung gagawin nitong mas dalisay ang aking pagmamahal sa Iyo, upang maging kawangis ko ang isang matuwid, ang paghatol Mo ay mabuti, sapagkat gayon ang Iyong mapagpalang kalooban. Batid ko na puno pa rin ako ng panghihimagsik, at na ako ay hindi pa rin nararapat na lumapit sa harap Mo. Nais kong ako ay mas hatulan Mo pa, sa pamamagitan man ng isang malupit na kapaligiran o matitinding kapighatian. Anuman ang ginagawa Mo, para sa akin ito ay napakahalaga. Ang Iyong pag-ibig ay napakalalim, at handa akong ilagay ang aking sarili sa Iyong pagsasaayos nang walang munti mang pagdaing.” Ito ang kaalaman ni Pedro pagkatapos niyang maranasan ang gawain ng Diyos, at ito rin ay isang patotoo sa kanyang pag-ibig sa Diyos. Ngayon, kayo ay nalupig na—ngunit sa paanong paraan naihahayag ang pagkalupig na ito sa inyo? May ilang taong nagsasabi na, “Ang paglupig sa akin ay ang pinakamataas na biyaya at pagpaparangal ng Diyos. Ngayon ko lamang napagtanto na ang buhay ng tao ay walang saysay at walang halaga. Ginugugol ng tao ang kanyang buhay sa pagmamadali, pamumunga at pagpapalaki ng sunod-sunod na mga henerasyon ng mga bata, at sa huli ay walang matitira sa kanya. Ngayon, matapos lupigin ng Diyos, saka ko lamang nakita na walang kabuluhan ang pamumuhay sa ganitong pamamaraan. Ito ay tunay na walang kabuluhang buhay. Mabuti pang mamatay na ako at nang matapos na ito!” Ang ganito bang mga tao na nalupig ay makakamit ng Diyos? Sila ba ay maaaring maging halimbawa at huwaran? Ang ganitong mga tao ay mga aral sa kawalan ng pakialam. Wala silang mga hangarin, at hindi nagsusumikap na mapabuti ang kanilang mga sarili. Bagaman sila ay nabibilang sa nalupig, ang ganitong mga tao na walang-pakialam ay hindi makakayanang gawing perpekto. Noong malapit na siyang mamatay, matapos siyang gawing perpekto, sinabi ni Pedro, “O Diyos! Kung ako ay mabubuhay ng ilan pang mga taon, nais kong magkaroon ng mas higit na dalisay at higit na malalim na pag-ibig sa Iyo.” Noong siya ay ipapako na sa krus, nanalangin siya sa kanyang puso, “O Diyos! Ang Iyong panahon ay dumating na ngayon, ang panahong Iyong inihanda para sa akin ay dumating na. Ako ay dapat na maipako sa krus para sa Iyo, dapat akong magpatotoo nito sa Iyo, at umaasa ako na ang aking pag-ibig ay makatutugon sa Iyong mga pamantayan, at na ito ay mas higit pang magiging dalisay. Ngayon, ang mamatay para sa Iyo, at maipako sa krus para sa Iyo, ay nagbibigay kaginhawahan at katiyakan sa akin, sapagkat wala nang higit pang kasiya-siya sa akin kaysa sa mapako sa krus para sa Iyo at matugunan ang Iyong mga nais, at maibigay ang aking sarili sa Iyo, maialay ang aking buhay sa Iyo. O Diyos! Ikaw ay lubhang kaibig-ibig! Kung pahihintulutan Mo akong mabuhay, lalo pa akong magiging handang ibigin Ka. Habang ako ay nabubuhay, iibigin Kita. Nais kong ibigin Ka pa nang higit na malalim. Hinahatulan Mo ako, at kinakastigo at sinusubukan dahil ako ay hindi matuwid, dahil ako ay nagkasala. At ang Iyong matuwid na disposisyon ay nagiging higit na maliwanag sa akin. Ito ay isang pagpapala sa akin, sapagkat nagagawa kong ibigin Ka nang higit na malalim, at handa akong ibigin Ka sa ganitong paraan kahit na hindi Mo ako iniibig. Handa akong makita ang Iyong matuwid na disposisyon, sapagkat mas nagkakaroon ako ng kakayahan upang isabuhay ang isang makabuluhang buhay. Nararamdaman ko na ang pamumuhay ko ngayon ay higit na may kabuluhan, sapagkat ipinapako ako sa krus para sa Iyong kapakanan, at makabuluhan ang mamatay para sa Iyo. Gayon pa man hindi pa rin ako nakakaramdam ng kasiyahan, sapagkat lubhang kakaunti ang nalalaman ko tungkol sa Iyo, batid ko na hindi ko ganap na matutupad ang Iyong mga nais, at kakaunti lamang ang napagbayaran ko sa Iyo. Sa aking buhay, hindi ko nakayang ibigay ang buong sarili ko sa Iyo. Malayo pa ako roon. Habang lumilingon ako sa sandaling ito, nararamdaman ko ang lubhang pagkakautang ko sa Iyo, at ang sandaling ito lamang ang mayroon ako upang makabawi sa lahat ng pagkakamali ko at lahat ng pag-ibig na hindi ko naibalik sa Iyo.”
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 524
Dapat sikapin ng tao na isabuhay ang isang makabuluhang buhay, at hindi dapat masiyahan na lamang sa kanyang kasalukuyang mga kalagayan. Upang maisabuhay ang imahe ni Pedro, dapat niyang taglayin ang kaalaman at mga karanasan ni Pedro. Dapat pagsikapan ng tao ang mga bagay na mas matatayog at mas malalalim. Dapat niyang pagsikapan ang isang mas malalim, mas dalisay na pagmamahal sa Diyos, at isang buhay na may kabuluhan at kahulugan. Ito lamang ang buhay, sa ganito lamang magiging katulad ng tao si Pedro. Dapat kang tumuon sa pagiging maagap tungo sa iyong pagpasok sa positibong panig, at huwag basta na lang hayaan ang iyong sarili na dumausdos pabalik para sa pagkakaroon ng panandaliang ginhawa habang binabalewala ang mas malalim, mas tiyak, at mas praktikal na mga katotohanan. Ang iyong pag-ibig ay dapat maging praktikal, at dapat kang humanap ng mga paraan upang mapalaya ang iyong sarili mula sa masama at walang-inaalalang uri ng pamumuhay na walang pinagkaiba sa pamumuhay ng isang hayop. Dapat mong isabuhay ang isang buhay na may kahulugan, isang buhay na may kabuluhan at hindi mo dapat linlangin ang iyong sarili, o ituring ang iyong buhay na parang isang laruan na dapat paglaruan. Para sa bawat isa na naghahangad na ibigin ang Diyos, walang katotohanang hindi matatamo at walang katarungan na hindi nila mapaninindigan. Paano ka ba dapat mamuhay? Paano mo ba dapat ibigin ang Diyos, at gamitin ang pag-ibig na ito para bigyang-kasiyahan ang Kanyang kagustuhan? Walang bagay na hihigit pa sa iyong buhay. Higit sa lahat, ikaw ay dapat magkaroon ng ganitong mga hangarin at pagtitiyaga, at hindi dapat maging tulad ng mga walang gulugod, mga mahihinang nilalang. Dapat mong matutunan kung paano maranasan ang isang makahulugang buhay, at maranasan ang makahulugang mga katotohanan, at hindi dapat ituring ang iyong sarili na walang sigla sa ganitong paraan. Ang iyong buhay ay lilipas nang hindi mo namamalayan. At pagkatapos, magkakaroon ka pa ba ng isa pang pagkakataon para ibigin ang Diyos? Maaari bang ibigin ng tao ang Diyos pagkatapos niyang bawian ng buhay? Dapat kang magkaroon ng mga hangarin at ng konsensya na katulad ng kay Pedro. Ang buhay mo ay dapat na maging makahulugan, at hindi mo dapat pinaglalaruan ang iyong sarili. Bilang isang tao, at bilang isang tao na naghahangad sa Diyos, dapat mong magawang maingat na isaalang-alang kung paano mo itinuturing ang iyong buhay, kung paano mo dapat ihandog ang iyong sarili sa Diyos, kung paano ka magkakaroon ng isang mas makabuluhang pananampalataya sa Diyos, at paano, dahil sa iniibig mo ang Diyos, dapat mo Siyang ibigin sa paraang mas dalisay, mas mainam, at mas mabuti. Sa ngayon, hindi ka maaaring masiyahan lamang sa kung paano ka nalupig, kundi dapat mo ring isaalang-alang ang daan na iyong tatahakin sa hinaharap. Dapat kang magkaroon ng mga hangarin at ng lakas ng loob upang ikaw ay magawang perpekto, at hindi mo dapat laging isipin na hindi kaya ng iyong sarili. May pinapanigan ba ang katotohanan? Kaya bang sadyain ng katotohanan ang pagsalungat sa mga tao? Kung hahangarin mo ang katotohanan, kaya ka ba nitong madaig? Kung maninindigan ka para sa katarungan, pababagsakin ka ba nito? Kung tunay ngang ang hangarin mo ay pagsikapang matamo ang buhay, kaya ka bang iwasan ng buhay? Kung wala sa iyo ang katotohanan, hindi ito dahil sa hindi ka pinapansin ng katotohanan, kundi dahil sa lumalayo ka mula sa katotohanan. Kung hindi mo kayang manindigan nang matatag para sa katarungan, hindi ito dahil sa may kamalian ang katarungan, kundi dahil sa naniniwala kang nalilihis ito sa mga katunayan. Kung hindi mo natamo ang buhay matapos mong pagsumikapang hanapin ito sa loob ng maraming taon, ito ay hindi dahil sa ang buhay ay walang konsensya ukol sa iyo, kundi dahil sa wala kang konsensya ukol sa buhay, at naitaboy mo ang buhay. Kung namumuhay ka sa liwanag, at hindi mo nakayang makamit ang liwanag, ito ay hindi dahil sa hindi nagagawa ng liwanag na liwanagan ka, kundi dahil sa hindi mo nabigyang-pansin ang pag-iral ng liwanag, kung kaya’t tahimik kang nilisan ng liwanag. Kung hindi ka naghahangad, masasabi na lamang na ikaw ay walang-halagang basura, at walang lakas ng loob sa iyong pamumuhay, at hindi mo taglay ang espiritu para labanan ang mga puwersa ng kadiliman. Masyado kang mahina! Hindi mo kayang tumakas mula sa mga puwersa ni Satanas na umaatake sa iyo, at ang nais mo lamang ay magpatuloy sa ganitong uri ng ligtas at panatag na buhay at mamatay sa kamangmangan. Ang dapat mong makamit ay ang iyong pagsisikap na malupig. Ito ang iyong nakatakdang tungkulin. Kung sapat na para sa iyo ang malupig, itinataboy mo ang pag-iral ng liwanag. Dapat kang magdusa ng paghihirap alang-alang sa katotohanan, dapat mong ibigay ang iyong sarili sa katotohanan, dapat kang magtiis ng kahihiyan para sa katotohanan, at upang higit pang makamit ang katotohanan, dapat kang sumailalim sa higit pang pagdurusa. Ito ang dapat mong gawin. Hindi mo dapat itapon ang katotohanan alang-alang sa isang mapayapang buhay-pamilya, at hindi mo dapat iwala ang dangal at integridad ng iyong buhay para sa pansamantalang kasiyahan. Dapat mong hangarin ang lahat ng mainam at mabuti, at dapat mong hangarin ang isang landas sa buhay na higit na makahulugan. Kung namumuhay ka ng gayong mahalay na buhay, at walang hinahangad na anumang mga layunin, hindi ba’t sinasayang mo ang iyong buhay? Ano ba ang iyong makakamtan mula sa ganitong pamumuhay? Dapat mong talikuran ang lahat ng kasiyahan ng laman alang-alang sa nag-iisang katotohanan, at hindi mo dapat isuko ang lahat ng katotohanan alang-alang sa isang munting kasiyahan. Ang mga ganitong tao ay walang integridad o dangal; walang kabuluhan ang kanilang pag-iral!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 525
Kinakastigo at hinahatulan ng Diyos ang tao dahil kinakailangan ito ng Kanyang gawain, at, higit pa rito, dahil kailangan ito ng tao. Kailangan ng tao na makastigo at mahatulan, at saka lamang niya makakamit ang pagmamahal sa Diyos. Sa ngayon, kayo ay lubos na kumbinsido, ngunit kapag kayo ay napaharap sa kahit napakaliit na pagsubok ay naguguluhan na kayo. Ang inyong tayog ay napakaliit pa rin, at kailangan pa rin ninyong makaranas ng higit pang pagkastigo at paghatol para matamo ang mas malalim na kaalaman. Ngayon, kayo ay may kaunting paggalang sa Diyos, at takot kayo sa Diyos, at batid ninyong Siya ang tunay na Diyos, ngunit wala kayong dakilang pag-ibig sa Kanya, lalong hindi pa ninyo natamo ang dalisay na pag-ibig, ang inyong kaalaman ay napakababaw, at ang inyong tayog ay hindi sapat. Kapag kayo ay tunay na nakaranas ng isang kapaligiran, hindi pa kayo nagiging saksi, napakaliit sa inyong pagpasok ang maagap, at wala kayong ideya kung paano magsagawa. Karamihan ng mga tao ay walang-pakialam at hindi-kumikilos. Iniibig lamang nila nang palihim ang Diyos sa kanilang mga puso, ngunit walang paraan ng pagsasagawa, at hindi malinaw kung ano ang kanilang mga layunin. Ang mga taong nagawang perpekto ay hindi lamang may normal na pagkatao, kundi nagtataglay ng mga katotohanang nakahihigit sa mga sukat ng konsensya, na mas mataas pa kaysa mga pamantayan ng konsensya. Hindi lamang nila ginagamit ang kanilang konsensya upang masuklian ang pag-ibig ng Diyos, ngunit, higit pa rito, nakilala nila ang Diyos, at nakita nila na ang Diyos ay kaibig-ibig, at karapat-dapat ibigin ng tao, at napakaraming bagay ang kaibig-ibig sa Diyos. Walang magagawa ang tao kundi ang ibigin Siya. Ang pag-ibig sa Diyos para sa mga nagawang perpekto ay upang matupad nila ang kanilang pansariling mga hangarin. Ang kanila ay pag-ibig na kusang-loob, isang pag-ibig na hindi humihiling ng kapalit, at hindi isang transaksyon. Iniibig nila ang Diyos dahil lamang sa kanilang pagkakilala sa Kanya at wala nang iba pa. Hindi iniisip ng mga taong ito kung pagkakalooban sila ng Diyos ng mga biyaya, dahil sapat na sa kanila ang mabigyang-kasiyahan ang Diyos. Hindi sila nakikipagtawaran sa Diyos, o kaya ay nagsusukat ng kanilang pagmamahal sa Diyos sa pamamagitan ng konsensya: “Nakapagbigay Ka sa akin, kaya iniibig din Kita. Kung hindi Ka nagbibigay sa akin, wala rin akong anumang maibibigay na kapalit sa Iyo.” Ang mga nagawang perpekto ay laging naniniwala na: “Ang Diyos ang Lumikha, at isinasakatuparan Niya ang Kanyang gawain sa atin. Dahil ako ay may ganitong pagkakataon, kalagayan, at katangian upang gawing perpekto, ang pagsusumikapan kong makamit ay ang magkaroon ng isang makabuluhang buhay, at dapat na Siya ay aking mapasaya.” Katulad lamang ito ng naranasan ni Pedro: Noong siya ay hinang-hina, nanalangin siya sa Diyos at sinabing, “O Diyos! Kahit anong panahon at saan mang dako, alam Mong lagi Kitang naaalaala. Kahit anong panahon at saan mang dako, batid Mong nais Kitang ibigin, ngunit ang aking tayog ay napakaliit, ako ay masyadong mahina at walang kapangyarihan, ang aking pag-ibig ay masyadong nalilimitahan, at ang aking katapatan sa Iyo ay masyadong maliit. Kung ihahambing sa Iyong pag-ibig, hindi ako nararapat para mabuhay. Nais ko lamang hilingin na ang aking buhay ay hindi mawalan ng kabuluhan, at hindi ko lamang masusuklian ang Iyong pag-ibig, kundi, higit pa rito, maaari kong ilaan sa Iyo ang lahat-lahat nang mayroon ako. Kung mapasasaya Kita, bilang isang nilalang, magkakaroon ako ng payapang isipan at hindi na hihiling nang higit pa. Bagama’t ako ay mahina at walang kapangyarihan ngayon, hindi ko malilimutan ang Iyong mga payo, at hindi ko malilimutan ang Iyong pag-ibig. Ngayon, wala akong ginagawa kundi ang suklian ko lamang ang Iyong pag-ibig. O Diyos, ang pakiramdam ko’y lubhang masama! Paano ko maibabalik sa Iyo ang pag-ibig sa aking puso, paano ko magagawa ang lahat ng aking makakaya, at makayanang tuparin ang Iyong mga ninanais, at maihandog ang lahat ng mayroon ako sa Iyo? Alam Mo ang kahinaan ng tao. Paano nga ba ako magiging karapat-dapat sa Iyong pag-ibig? O Diyos! Alam Mong ako ay mayroong mababang tayog, at babahagya lamang ang aking pag-ibig. Paano ko magagawa ang pinakamabuting makakaya ko sa ganitong uri ng kapaligiran? Alam kong dapat kong suklian ang Iyong pag-ibig, alam kong dapat kong ibigay ang lahat ng mayroon ako sa Iyo, ngunit ngayon ay lubhang mababa ang aking tayog. Aking hinihiling na bigyan Mo ako ng lakas at katatagan, upang higit ko pang mataglay ang isang dalisay na pag-ibig na maitatalaga ko sa Iyo, at higit kong maitalaga ang lahat ng mayroon ako sa Iyo. Hindi ko lamang masusuklian ang Iyong pag-ibig, kundi lalo kong maranasan ang Iyong pagkastigo, paghatol at mga pagsubok, at kahit ang mga mas matitinding sumpa. Pinayagan Mo akong mapagmasdan ang Iyong pag-ibig, at wala akong kakayahang hindi Ka ibigin at kahit na ako ay mahina at walang lakas ngayon, paano ba Kita malilimutan? Ang Iyong pag-ibig, pagkastigo, at paghatol ay naging dahilan upang makilala Kita, ngunit ramdam ko rin na wala akong kakayahang tuparin ang Iyong pag-ibig, dahil Ikaw ay napakadakila. Paano ko ba maitatalaga ang lahat ng mayroon ako sa aking Lumikha?” Iyon ang kahilingan ni Pedro, bagaman ang kanyang tayog ay lubhang hindi-sapat. Sa sandaling ito, naramdaman niya na para bang sinaksak ng isang kutsilyo ang kanyang puso at siya ay nasa matinding paghihirap. Hindi niya batid kung ano ang dapat gawin sa ilalim ng ganoong mga kalagayan. Gayunman ay nagpatuloy siya sa pananalangin: “O Diyos! Ang tao ay kasing-tayog lamang ng bata, ang kanyang konsensya ay mahina, at ang magagawa ko lamang ay suklian ang Iyong pag-ibig. Ngayon, hindi ko alam kung paano ko matutugunan ang Iyong mga ninanasa, at ang tanging nais ko ay magawa ang lahat ng aking makakaya, maibibigay ang lahat ng mayroon ako, at maitatalaga ang lahat ng mayroon ako sa Iyo. Anuman ang Iyong maging paghatol, anuman ang Iyong pagkastigo, anuman ang Iyong igagawad sa akin, anuman ang aalisin Mo sa akin, tulungan Mo akong huwag maghinaing ng kahit katiting sa Iyo. Maraming pagkakataon, noong ako’y kinastigo at hinatulan Mo, dumaing ako sa sarili ko, at hindi ko nakamit ang kadalisayan, o natupad ang Iyong mga nais. Napipilitan lamang ang aking naging tugon sa Iyong pag-ibig, at sa sandaling ito kinamumuhian ko nang higit pa ang sarili ko.” Ang paghahanap niya ng mas dalisay na pagmamahal sa Diyos ang dahilan kung bakit nanalangin si Pedro nang ganito. Siya ay naghahanap, at nakikiusap, at, higit pa, ay nagpaparatang sa kanyang sarili, at umaamin sa kanyang mga pagkakasala sa Diyos. Pakiramdam niya ay may pagkakautang siya sa Diyos, at nakaramdam siya ng pagkamuhi sa kanyang sarili, gayunman siya ay tila nalungkot din nang bahagya at walang kibo. Laging gayon ang pakiramdam niya, na parang hindi siya karapat-dapat para sa mga nais ng Diyos, at hindi niya naibigay ang lahat ng kanyang makakaya. Sa ilalim ng ganoong kalagayan, ipinagpatuloy ni Pedro ang pagsisikap na magkaroon ng pananampalatayang tulad ng kay Job. Nakita Niya kung gaano kadakila ang naging pananampalataya ni Job, sapagkat nakita ni Job na ang lahat ng pag-aari niya ay ipinagkaloob ng Diyos, at likas para sa Diyos na alisin ang lahat ng kanyang mga pag-aari, at ibigay ang mga ito ng Diyos sa kahit kanino man Niya naisin—gayon ang matuwid na disposisyon ng Diyos. Walang mga reklamo si Job, at mapupuri pa rin ang Diyos. Kilala rin ni Pedro ang sarili niya, at sa kanyang puso siya ay nanalangin, “Ngayon, hindi sapat para sa akin na gantihan ang Iyong pag-ibig gamit ang aking konsensya at kahit gaano kasidhing pag-ibig ang ibigay ko pabalik sa Iyo, dahil ang aking mga kaisipan ay lubhang tiwali, at dahil wala akong kakayahang makita Ka bilang ang Lumikha. Dahil hindi pa rin ako karapat-dapat na umibig sa Iyo, dapat kong linangin ang kakayahan na ilaan ang lahat ng mayroon ako sa Iyo, na gagawin ko nang maluwag sa kalooban. Dapat kong malaman lahat ng Iyong mga nagawa, at walang pagpipilian, at dapat kong mamasdan ang Iyong pag-ibig, at makapagsalita ako ng mga papuri sa Iyo, at parangalan ang Iyong banal na pangalan, upang Ikaw ay maaaring magkamit ng dakilang kaluwalhatian sa pamamagitan ko. Ako ay handang manindigan nang matibay sa patotoong ito sa Iyo. O Diyos! Ang Iyong pag-ibig ay ubod nang inam at halaga; paano nga ba ako magnanais na mamuhay sa kasamaan? Hindi ba ako ay Iyong ginawa? Paanong mabubuhay ako sa ilalim ng sakop ni Satanas? Pipiliin ko na ang aking buong katauhan ay mamuhay sa gitna ng Iyong pagkastigo. Hindi ako payag na mamuhay sa ilalim ng sakop ng kasamaan. Kung ako ay madadalisay, at mailalaan ang aking lahat-lahat sa Iyo, kusa kong ilalaan ang aking katawan at pag-iisip sa Iyong paghatol at pagkastigo, sapagkat kinamumuhian ko si Satanas, at hindi ko gustong mamuhay sa ilalim ng sakop nito. Sa pamamagitan ng Iyong paghatol sa akin, ipinakikita Mo ang Iyong matuwid na disposisyon; ako ay natutuwa, at hindi dumaraing kahit katiting. Kung aking magagawa ang tungkulin ng isang nilalang, handa ako na ang aking buong buhay ay samahan ng Iyong paghatol, kung saan sa pamamagitan nito ay malalaman ko ang Iyong matuwid na disposisyon, at itatakwil sa sarili ko ang impluwensya ng kasamaan.” Lagi iyong ipinagdasal ni Pedro, laging iyon ang kanyang hinangad, at medyo naabot niya ang isang mataas na sakop. Hindi lamang niya naibalik ang pag-ibig ng Diyos, kundi, mas mahalaga, natupad rin niya ang kanyang tungkulin bilang isang nilalang. Hindi lamang sa hindi siya pinaratangan ng kanyang konsensya, kundi nalampasan din niya ang mga pamantayan ng konsensya. Patuloy na nakaabot sa harap ng Diyos ang kanyang mga dalangin, anupa’t ang kanyang mga hangarin ay mas tumaas, at mas lumalim ang kanyang pagmamahal sa Diyos. Bagaman nagdurusa siya ng matinding sakit, hindi pa rin niya nilimot na ibigin ang Diyos, at patuloy pang hinanap na makamtan ang kaunawaan sa kalooban ng Diyos. Sa kanyang mga panalangin ay binigkas niya ang sumusunod na mga salita: “Natupad ko ang hindi hihigit sa pagbabalik ng kabayaran ng Iyong pag-ibig. Hindi ako nagpatotoo sa Iyo sa harap ni Satanas, hindi napalaya ang sarili ko mula sa impluwensya ni Satanas, at nanatiling namumuhay sa gitna ng laman. Nais kong gamitin ang aking pag-ibig para madaig si Satanas, hiyain ito, at nang sa gayon ay mabigyang-kasiyahan ko ang Iyong nasa. Nais kong ibigay sa Iyo ang buong sarili ko, at hindi ibigay ni katiting man ng aking sarili kay Satanas, dahil si Satanas ay Iyong kaaway.” Kapag lalo siyang nagsisikap sa daang ito, lalo siyang naaantig, at lalong tumataas ang kanyang kaalaman sa mga bagay na ito. Lingid sa kanyang kamalayan, nabatid niyang kailangan niyang kumawala sa impluwensya ni Satanas, at dapat na lubusan siyang manumbalik sa Diyos. Iyon nga ang kinasasaklawang kanyang nakamit. Napapanaigan niya ang impluwensya ni Satanas, at inaalis sa kanyang sarili ang mga kasiyahan at mga pagtatamasa ng laman, at ginustong maranasan nang mas malalim kapwa ang pagkastigo at paghatol ng Diyos. Sinabi niya, “Kahit na ako ay nabubuhay sa gitna ng Iyong pagkastigo at sa gitna ng Iyong paghatol, gaano man ang kahirapang mararanasan, hindi pa rin ako mamumuhay sa ilalim ng sakop ni Satanas, hindi pa rin ako payag magdusa sa mga panlilinlang ni Satanas. Nalulugod ako sa pamumuhay sa gitna ng Iyong mga sumpa, at namimighati sa pamumuhay sa gitna ng mga pagpapala ni Satanas. Iniibig Kita sa pamamagitan ng pamumuhay sa gitna ng Iyong paghatol, at nagbibigay ito sa akin ng malaking kasiyahan. Ang Iyong pagkastigo at paghatol ay matuwid at banal; ito ay upang linisin ako, at higit pa ay upang iligtas ako. Mas gugustuhin kong gugulin ang aking buong buhay sa gitna ng Iyong paghatol upang mapasailalim ako sa Iyong pangangalaga. Hindi ako payag na mamuhay nang kahit isang saglit sa ilalim ng sakop ni Satanas; gusto kong malinis Mo ako; kahit na ako ay makaranas ng mga paghihirap, hindi ako payag na magamit at malinlang ni Satanas. Ako, ang nilalang na ito, ay dapat na magamit Mo, maangkin Mo, mahatulan Mo, at makastigo Mo. Dapat Mo nga rin akong sumpain. Ang aking puso ay nagsasaya kapag nalulugod Kang pagpalain ako, sapagkat nakita ko ang Iyong pag-ibig. Ikaw ay ang Lumikha, at ako ay isang nilalang: Hindi Kita dapat ipagkanulo at mamuhay sa ilalim ng sakop ni Satanas, ni dapat man akong magamit ni Satanas. Dapat akong maging kabayo Mo o baka, sa halip na mabuhay para kay Satanas. Mas mamarapatin kong mabuhay sa gitna ng Iyong pagkastigo, walang kaligayahang pisikal, at ito ay magbibigay-kasiyahan sa akin kahit na mawalan ako ng Iyong biyaya. Bagaman ang Iyong biyaya ay wala sa akin, nagsasaya ako na Iyong makastigo at mahatulan; ito ang Iyong pinakamainam na pagpapala, ang Iyong pinakadakilang biyaya. Bagaman Ikaw ay palaging maringal at puno ng poot sa akin, hindi pa rin Kita maitatakwil, at hindi pa rin Kita maiibig nang sapat. Pipiliin kong manirahan sa Iyong tahanan, pipiliin kong maisumpa, makastigo, at mapalo Mo, at hindi nais na mamuhay sa ilalim ng sakop ni Satanas, ni hindi ko rin gusto na magmadali at gawing abala ang aking sarili para lamang sa laman, at lalong hindi ko gustong mamuhay para sa laman.” Ang pag-ibig ni Pedro ay isang dalisay na pag-ibig. Ito ang karanasan ng ginagawang perpekto, at ang pinakamataas na kinasasaklawan ng pagiging ginawang perpekto; wala nang buhay na mas makahulugan diyan. Tinanggap niya ang pagkastigo at paghatol ng Diyos, pinahalagahan niya ang matuwid na disposisyon ng Diyos, at wala nang mas nakahihigit pa ang kahalagahan para kay Pedro. Sinabi niya, “Binibigyan ako ni Satanas ng mga materyal na kasiyahan ngunit hindi ko pinahahalagahan ang mga iyon. Ang pagkastigo at paghatol ng Diyos ay dumarating sa akin—dito ako ay nabibigyan ng kagandahang-loob, dito ako ay nasisiyahan, at dito ako ay napagpala. Kung hindi dahil sa paghatol ng Diyos ay hindi ko kailan man iibigin ang Diyos, mananatili akong namumuhay sa ilalim ng sakop ni Satanas, nakokontrol at nauutusan pa rin nito. Kung gayon ang sitwasyon, hindi ako kailanman magiging isang tunay na tao, dahil hindi ko mapasasaya ang Diyos, at hindi ko mailalaan ang aking kabuuan sa Diyos. Kahit na hindi ako pinagpapala ng Diyos, iniiwan akong walang kaaliwan sa loob, na para bang may nag-aapoy sa loob ko, at walang kapayapaan o kagalakan, at kahit na hindi kailanman nalalayo sa akin ang pagkastigo at pagdisiplina ng Diyos, sa pamamagitan ng pagkastigo at paghatol ng Diyos nakikita ko ang Kanyang matuwid na disposisyon. Lubos akong nasisiyahan dito; wala nang iba pang bagay ang mas mahalaga o mas makahulugan sa buhay. Kahit na ang Kanyang proteksyon at pag-aalaga ay naging walang-awang pagkastigo, paghatol, mga sumpa at pagpalo, ako ay nasisiyahan pa rin sa mga bagay na ito, sapagkat maaari nilang mas mahusay na malinis ako at mabago ako, madadala ako nang mas malapit sa Diyos, magagawa ako na higit pang nagmamahal sa Diyos, at magagawang mas dalisay ang aking pagmamahal sa Diyos. Tinutulutan ako nito na makayang tuparin ang aking tungkulin bilang isang nilalang, at dinadala ako sa harap ng Diyos at malayo sa impluwensya ni Satanas, kaya hindi na ako naglilingkod kay Satanas. Kapag hindi ako namumuhay sa ilalim ng sakop ni Satanas, at naitatalaga ko na ang lahat ng bagay na mayroon ako at lahat ng maaari kong gawin para sa Diyos, nang walang pag-aatubili—iyon ay ang sandali na ako ay ganap na nasisiyahan. Ang pagkastigo at paghatol ng Diyos ang nagligtas sa akin, at ang aking buhay ay hindi mahihiwalay mula sa pagkastigo at paghatol ng Diyos. Ang aking buhay sa lupa ay nasa ilalim ng sakop ni Satanas, anupa’t kung hindi dahil sa pangangalaga at pag-iingat ng pagkastigo at paghatol ng Diyos, ako ay mananatiling namumuhay sa ilalim ng sakop ni Satanas, at higit pa riyan, hindi ako magkakaroon ng pagkakataon o paraan na isabuhay ang isang makahulugang buhay. Kung hindi kailanman mahihiwalay sa akin ang pagkastigo at paghatol ng Diyos ay saka lamang ako malilinis ng Diyos. Dahil lamang sa masasakit na salita at matuwid na disposisyon ng Diyos, at sa maringal na paghatol ng Diyos, ay natamo ko ang pinakamahusay na proteksiyon at namuhay ako sa liwanag, at natamo ang mga pagpapala ng Diyos. Upang malinis, at mapalaya ang aking sarili kay Satanas, at mamuhay sa ilalim ng kapamahalaan ng Diyos—ito ang pinakadakilang pagpapala sa buhay ko ngayon.” Ito ang pinakamataas na kinasasaklawan na naranasan ni Pedro.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 526
Ang tao ay nabubuhay sa gitna ng laman, na nangangahulugang nabubuhay siya sa isang pantaong impiyerno, at kung wala ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, ang tao ay kasingdumi ni Satanas. Paano magiging banal ang tao? Naniwala si Pedro na ang pagkastigo at paghatol ng Diyos ang pinakamabuting proteksiyon at pinakadakilang biyaya sa tao. Sa pamamagitan lamang ng pagkastigo at paghatol ng Diyos magigising ang tao at kapopootan ang laman, kamumuhian si Satanas. Ang mahigpit na pagdisiplina ng Diyos ay nagpapalaya sa tao mula sa impluwensya ni Satanas, nagpapalaya sa kanya mula sa kanyang sariling maliit na mundo, at nagtutulot sa kanyang mamuhay sa liwanag ng presensya ng Diyos. Wala nang higit na mabuting pagliligtas kaysa sa pagkastigo at paghatol! Nanalangin si Pedro, “O Diyos! Hangga’t kinakastigo Mo at hinahatulan ako, malalaman ko na hindi Mo ako iniwan. Kahit na hindi Mo ako binibigyan ng kagalakan o kapayapaan, at ginagawa akong mamuhay nang may pagdurusa, at pinagpapasan ako ng hindi-mabilang na mga pagtutuwid, hangga’t hindi Mo ako iniiwan, ang puso ko ay magiging panatag. Ngayon, ang Iyong pagkastigo at paghatol ay naging pinakamabuting proteksiyon ko at pinakadakilang pagpapala. Ang ibinibigay Mong biyaya sa akin ay nag-iingat sa akin. Ang biyaya na Iyong ipinagkakaloob sa akin ngayon ay pagpapahayag ng Iyong matuwid na disposisyon, at pagkastigo at paghatol; bukod diyan, ito ay isang pagsubok, at, higit pa riyan, ito ay isang buhay ng pagdurusa.” Nakayang isantabi ni Pedro ang mga kasiyahan ng laman at hanapin ang isang mas malalim na pag-ibig at higit na pag-iingat, dahil marami siyang nakamtang biyaya mula sa pagkastigo at paghatol ng Diyos. Sa kanyang buhay, kung nais ng tao na malinis at makamtan ang mga pagbabago sa kanyang disposisyon, kung nais niya na isabuhay ang isang makabuluhang buhay, at tuparin ang kanyang tungkulin bilang isang nilalang, kung gayon dapat niyang tanggapin ang pagkastigo at paghatol ng Diyos, at hindi dapat hayaan ang pagdisiplina ng Diyos at pagpalo ng Diyos na lumisan mula sa kanya, upang maaari niyang mapalaya ang kanyang sarili mula sa pagmamanipula at impluwensya ni Satanas, at mamuhay sa liwanag ng Diyos. Kilalanin mo na ang pagkastigo at paghatol ng Diyos ay ang liwanag, at ang liwanag ng kaligtasan ng tao, at na walang higit na mabuting pagpapala, biyaya o pag-iingat para sa tao. Ang tao ay nabubuhay sa ilalim ng impluwensya ni Satanas, at umiiral sa laman; kung hindi siya nalilinis at hindi nakatatanggap ng pag-iingat ng Diyos, kung gayon ang tao ay lalo kailanmang magiging higit na masama. Kung nais niyang ibigin ang Diyos, kung gayon dapat siyang malinis at maligtas. Nanalangin si Pedro, “Diyos ko, kapag pinakikitunguhan Mo ako nang may-kabaitan ako ay nalulugod, at nagiginhawahan; kapag kinakastigo Mo ako, nakadarama ako ng higit pang kaginhawahan at kagalakan. Bagaman ako ay mahina, at nagbabata ng di-mabigkas na pagdurusa, bagaman mayroong mga luha at kalungkutan, batid Mo na ang kalungkutang ito ay dahil sa aking pagkamasuwayin, at dahil sa aking kahinaan. Tumatangis ako dahil hindi ko natutugunan ang Iyong mga ninanasa, nalulungkot ako at nanghihinayang dahil hindi ako sapat para sa Iyong mga kailangan, ngunit handa akong abutin ang kinasasaklawang ito, handa akong gawin ang lahat ng kaya ko upang Ikaw ay aking mapasaya. Ang Iyong pagkastigo ay nagdulot sa akin ng pag-iingat, at nakapagbigay sa akin ng pinakamabuting kaligtasan; ang Iyong paghatol ay nagkukubli ng Iyong pagpaparaya at pagtitiis. Kung wala ang Iyong pagkastigo at paghatol, hindi ko matatamasa ang Iyong awa at kagandahang-loob. Ngayon, lalo kong nakikita na ang Iyong pag-ibig ay nakalampas sa mga kalangitan at hinigitan ang lahat ng iba pang bagay. Ang Iyong pag-ibig ay hindi lamang awa at kagandahang-loob; higit pa riyan, ito ay pagkastigo at paghatol. Ang Iyong pagkastigo at paghatol ay nagbigay ng napakarami sa akin. Kung wala ang Iyong pagkastigo at paghatol, walang isa mang taong malilinis, at walang isa mang taong makararanas ng pag-ibig ng Lumikha. Bagaman nakapagtiis ako ng daan-daang mga pagsubok at kapighatian, at nakaranas pang mabingit sa kamatayan, natulutan ako ng mga ito na tunay Kang makilala at magtamo ng pinakamataas na kaligtasan. Kung ang Iyong pagkastigo, paghatol at pagdisiplina ay lilisan mula sa akin, kung gayon ay mabubuhay ako sa kadiliman, sa ilalim ng sakop ni Satanas. Ano nga ba ang mga pakinabang ng laman ng tao? Kung ang Iyong pagkastigo at paghatol ay aalis sa akin, ito ay waring ang Iyong Espiritu ay nagtakwil sa akin, na waring Ikaw ay hindi ko na kasama. Kung magkagayon nga, paano ako magpapatuloy na mabuhay? Kung binibigyan Mo ako ng karamdaman, at kukunin ang aking kalayaan, maaari pa rin akong patuloy na mabuhay, ngunit kung sakaling lilisanin ako ng Iyong pagkastigo at paghatol, mawawalan na ako ng daan upang patuloy na mabuhay. Kung wala ang Iyong pagkastigo at paghatol sa akin, mawawala na sa akin ang Iyong pag-ibig, isang pag-ibig na lubhang malalim upang aking masabi. Kung wala ang Iyong pag-ibig, ako ay mabubuhay sa ilalim ng sakop ni Satanas, at hindi na makikita ang Iyong maluwalhating mukha. Paano ako makakapagpatuloy na mabuhay? Ang gayong kadiliman, ang gayong buhay, ay hindi ko kayang mabata. Ang makasama Kita ay tulad ng namamasdan Kita, kaya paano Kita maiiwan? Nagmamakaawa ako sa Iyo, nakikiusap ako sa Iyo na huwag kunin ang aking pinakadakilang kaaliwan mula sa akin, kahit na ito ay ilang salita lamang na nagbibigay-katiyakan. Natamasa ko ang Iyong pag-ibig, at ngayon ay hindi ko kayang malayo sa Iyo; paano na hindi Kita maiibig? Marami akong itinangis na mga luha ng kalungkutan dahil sa Iyong pag-ibig, subali’t lagi kong nararamdaman na ang isang buhay na gaya nito ay higit na makahulugan, higit akong napagyayaman, higit akong nababago, at higit akong tinutulutang makamit ang katotohanang taglay dapat ng mga nilalang.”
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 527
Ang buong buhay ng tao ay nasa ilalim ng sakop ni Satanas, at wala ni isang tao ang kayang mag-isang palayain ang kanyang sarili mula sa impluwensiya ni Satanas. Lahat ay nabubuhay sa isang maruming sanlibutan, sa katiwalian at kahungkagan, wala ni katiting mang kahulugan o kahalagahan, namumuhay sila ng gayong walang-pananagutang buhay para sa laman, para sa pagnanasa, at para kay Satanas. Walang kahit katiting mang halaga sa kanilang pag-iral. Hindi kaya ng tao na hanapin ang katotohanang magpapalaya sa kanya mula sa impluwensya ni Satanas. Kahit na naniniwala ang tao sa Diyos at nagbabasa ng Bibliya, hindi niya nauunawaan kung paano siya makalalaya mula sa pagpipigil ng impluwensya ni Satanas. Sa mga nakalipas na mga kapanahunan, iilang tao lang ang nakatuklas ng lihim na ito, iilan lang ang nakaunawa rito. Sa gayon, bagaman kinamumuhian ng tao si Satanas, at kinamumuhian ang laman, hindi niya alam kung paano alisin sa sarili niya ang bumibitag na impluwensya ni Satanas. Ngayon, hindi ba’t nasa ilalim pa rin kayo ng sakop ni Satanas? Hindi ninyo pinagsisisihan ang inyong mga ginawang pagsuway, at lalong hindi ninyo nararamdaman na kayo ay marumi at hindi masunurin. Pagkatapos na salungatin ang Diyos, mayroon pa rin kayong kapayapaan ng isipan at nakadarama ng lubhang katahimikan. Ang katahimikan mo ba ay hindi dahil sa ikaw ay tiwali? Ang kapayapaan bang ito ng iyong isipan ay hindi nagbubuhat sa iyong pagkamasuwayin? Ang tao ay nabubuhay sa isang pantaong impiyerno, nabubuhay siya sa madilim na impluwensya ni Satanas; sa buong lupa, ang mga multo ay naninirahan kasama ng tao, nanghihimasok sa laman ng tao. Sa lupa, hindi ka nabubuhay sa isang magandang paraiso. Ang dako na kinaroroonan mo ay ang kinasasaklawan ng diyablo, isang pantaong impiyerno, isang daigdig ng mga patay. Kung ang tao ay hindi nalilinis, siya ay sa karumihan; kung hindi siya iniingatan at kinakalinga ng Diyos, kung gayon siya ay nananatili pang bihag ni Satanas; kung hindi siya hinahatulan at kinakastigo, kung gayon hindi siya magkakaroon ng daan upang makalaya sa pang-aalipin ng madilim na impluwensya ni Satanas. Ang tiwaling disposisyon na iyong ipinakikita at masuwaying pag-uugali na iyong isinasabuhay ay sapat upang patunayang ikaw ay namumuhay pa rin sa ilalim ng sakop ni Satanas. Kung ang iyong isipan at mga iniisip ay hindi nalinis, at ang iyong disposisyon ay hindi pa nahatulan at nakastigo, kung gayon ang iyong kabuuan ay pigil pa rin ng sakop ni Satanas, ang iyong isipan ay pigil ni Satanas, ang iyong mga iniisip ay pinaiikot ni Satanas, at ang lahat sa iyo ay kontrolado ng mga kamay ni Satanas. Alam mo ba kung gaano ka pa kalayo, ngayon, mula sa mga pamantayan ni Pedro? Taglay mo ba ang kakayahang iyon? Gaano karami ang iyong nalalaman sa pagkastigo at paghatol sa ngayon? Gaano karami ang iyong taglay sa mga naging kaalaman ni Pedro? Kung, sa ngayon, ay hindi mo kayang malaman, maaari mo bang matamo ang kaalamang ito sa hinaharap? Ang isang tamad at duwag na gaya mo ay hindi talaga kayang malaman ang pagkastigo at paghatol. Kung iyong hahabulin ang kapayapaan ng laman, at ang mga kasiyahan ng laman, kung gayon hindi ka magkakaroon ng daan upang malinis, at sa katapusan ay ibabalik ka kay Satanas, sapagkat ang iyong isinasabuhay ay si Satanas, at ito ang laman. Sa katayuan ng mga bagay-bagay ngayon, maraming tao ang hindi hinahangad ang buhay, ibig sabihin ay hindi nila inaalintana ang pagiging nalinis, o tungkol sa pagpasok sa mas malalim na karanasan sa buhay. Kung gayon ay paano sila magagawang perpekto? Yaong mga hindi hinahangad ang buhay ay walang pagkakataong magawang perpekto, at yaong mga hindi naghahabol ng kaalaman sa Diyos, hindi nagsisikap na magtamo ng mga pagbabago sa kanilang disposisyon, ay hindi kayang makatakas mula sa madilim na impluwensya ni Satanas. Hindi sila seryoso sa kanilang kaalaman sa Diyos at sa kanilang pagpasok sa mga pagbabago sa kanilang disposisyon, katulad ng mga naniniwala sa relihiyon, at sumusunod lamang sa ritwal at dumadalo sa mga regular na serbisyo. Hindi ba’t pagsasayang lamang iyan ng panahon? Kung, sa paniniwala ng tao sa Diyos, siya ay hindi taimtim tungkol sa mga bagay-bagay ng buhay, hindi hinahabol ang pagpasok sa katotohanan, hindi naghahabol ng mga pagbabago sa kanyang disposisyon, at lalong hindi naghahabol ng isang kaalaman sa gawain ng Diyos, kung gayon hindi siya magagawang perpekto. Kung gusto mo na magawang perpekto, kung gayon ay dapat mong maunawaan ang gawain ng Diyos. Sa partikular, dapat mong maunawaan ang kahalagahan ng Kanyang pagkastigo at paghatol, at bakit ang gawaing ito ay isinasagawa sa tao. Kaya mo bang tanggapin? Sa panahon ng ganitong uri ng pagkastigo, kaya mo bang makamit ang mga karanasan at kaalaman na kapareho ng kay Pedro? Kung ikaw ay naghahangad ng kaalaman sa Diyos at ng gawain ng Banal na Espiritu, at kung nagsisikap kang magkaroon ng mga pagbabago sa iyong disposisyon, kung gayon mayroon kang pagkakataon na magawang perpekto.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 528
Para sa mga yaong gagawing perpekto, ang hakbang na ito ng gawain ng pagiging nalupig ay hindi maaaring hindi isasagawa, sa sandaling nalupig ang isang tao ay saka pa lamang siya makararanas ng gawain ng pagiging ginagawang perpekto. Walang malaking kahalagahan sa pagganap lamang ng papel ng pagiging nalupig, hindi ito magtutulot sa iyo na maging akmang gamitin ng Diyos. Hindi ka magkakaroon ng daan na gampanan ang iyong bahagi sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, sapagkat hindi mo hinahabol ang buhay, at hindi mo pinagsisikapan ang mga pagbabago at pagpapanibago ng iyong sarili, kung kaya wala kang tunay na karanasan sa buhay. Sa panahon ng gawaing ito nang paisa-isang hakbang, gumanap ka nang minsan bilang taga-serbisyo, at isang panghambing ngunit kung sa kasukdulan ay hindi mo pinagsikapang maging Pedro, at ang iyong pagsisikap ay hindi kaayon sa landas kung saan si Pedro ay ginawang perpekto, kung gayon, natural, hindi ka makararanas ng mga pagbabago sa iyong disposisyon. Kung ikaw ay isang taong naghahangad na magawang perpekto, kung gayon magpapatotoo ka, at sasabihin mo: “Sa hakbang-hakbang na gawaing ito ng Diyos, natanggap ko ang pagkastigo at paghatol ng Diyos, at bagaman nakapagtiis ako ng matinding pagdurusa, nalaman ko kung paano ginagawang perpekto ng Diyos ang tao, nakamit ko ang gawaing ginagawa ng Diyos, nagkaroon ako ng kaalaman sa pagkamatuwid ng Diyos, at ang Kanyang pagkastigo ay nagligtas sa akin. Ang Kanyang matuwid na disposisyon ay dumating sa akin, at nagdala sa akin ng mga pagpapala at biyaya; ang Kanyang paghatol at pagkastigo ang nag-ingat at dumalisay sa akin. Kung hindi ako nakastigo at nahatulan ng Diyos, at kung ang Kanyang masasakit na salita ay hindi dumating sa akin, hindi ko sana makikilala ang Diyos, at ni hindi ako maliligtas. Nakikita ko ngayon: Bilang isang nilalang, hindi lamang tinatamasa ng isang tao ang lahat ng bagay na nilikha ng Lumikha, ngunit, mas mahalaga, na lahat ng nilalang ay dapat magtamasa ng matuwid na disposisyon ng Diyos at ng Kanyang matuwid na paghatol, sapagkat ang disposisyon ng Diyos ay karapat-dapat sa pagtatamasa ng tao. Bilang isang nilalang na nagawang tiwali ni Satanas, dapat na tamasahin ng isa ang matuwid na disposisyon ng Diyos. Sa Kanyang matuwid na disposisyon ay mayroong pagkastigo at paghatol, at, higit pa rito, mayroong dakilang pag-ibig. Bagaman hindi ko kayang lubos na matamo ang pag-ibig ng Diyos sa ngayon, nagkaroon naman ako ng mabuting kapalaran na makita ito, at dahil dito ako ay pinagpala.” Ito ang landas na nilakaran niyaong mga nakakaranas na magawang perpekto at ito ang kaalaman na sinasabi nila. Ang gayong mga tao ay pareho ni Pedro; mayroon silang parehong mga karanasan ni Pedro. Ang gayong mga tao ay yaon ding nakatamo ng buhay, at nagtataglay ng katotohanan. Kapag nararanasan nila hanggang sa katapus-tapusan, sa panahon ng paghatol ng Diyos tiyak na ganap nilang iwawaksi sa kanilang sarili ang impluwensya ni Satanas, at matatamo ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 529
Sina Adan at Eba na nilalang ng Diyos sa pasimula ay mga banal na tao, ibig sabihin, habang nasa Hardin ng Eden sila ay banal, walang bahid ng karumihan. Sila rin ay tapat kay Jehova, at wala silang alam tungkol sa pagkakanulo kay Jehova. Ito ay dahil sa wala silang paggambala ng impluwensya ni Satanas, walang kamandag ni Satanas, anupa’t sila ang pinakadalisay sa lahat ng sangkatauhan. Sila ay nakatira sa Hardin ng Eden, hindi nabahiran ng anumang dumi, hindi naangkin ng laman, at may paggalang kay Jehova. Sa dakong huli, nang sila ay tinukso ni Satanas, nagkaroon sila ng kamandag ng ahas, at ng pagnanasa na ipagkanulo si Jehova, at namuhay sila sa ilalim ng impluwensya ni Satanas. Sa pasimula, sila ay banal at gumagalang sila kay Jehova; sa ganitong kalagayan lamang na sila ay tao. Kalaunan, pagkatapos silang tuksuhin ni Satanas, kinain nila ang bunga ng punongkahoy ng kaalaman ng mabuti at masama, at namuhay sa ilalim ng impluwensya ni Satanas. Unti-unti silang nagawang tiwali ni Satanas, at naiwala ang orihinal na larawan ng tao. Sa pasimula, ang tao ay mayroong hininga ni Jehova, wala kahit katiting na pagkamasuwayin, at walang kasamaan sa kanyang puso. Noong panahong iyon, ang tao ay tunay na tao. Pagkatapos gawing tiwali ni Satanas, ang tao ay naging isang hayop. Ang kanyang kaisipan ay napuno ng kasamaan at karumihan, walang kabutihan at kabanalan. Hindi ba’t ito si Satanas? Marami ang naranasan mo sa gawain ng Diyos, gayunman hindi ka nabago o nalinis. Ikaw ay nabubuhay pa rin sa ilalim ng sakop ni Satanas, at hindi pa rin nagpapasakop sa Diyos. Ito ang isang taong nalupig ngunit hindi pa nagawang perpekto. At bakit sinasabi na ang gayong tao ay hindi pa nagawang perpekto? Dahil hindi pinagsisikapan ng taong ito ang buhay o kaalaman sa gawain ng Diyos, at walang higit na iniimbot kundi ang mga kasiyahan ng laman at panandaliang kaginhawahan. Bilang bunga, walang mga pagbabago sa kanilang disposisyon sa buhay, at hindi nila muling natamo ang orihinal na larawan ng tao na nilalang ng Diyos. Ang gayong mga tao ay mga naglalakad na bangkay, sila ang mga patay na walang espiritu! Yaong mga hindi naghahabol sa kaalaman sa mga bagay-bagay sa espiritu, na hindi naghahabol ng kabanalan, at hindi naghahabol na maisabuhay ang katotohanan, anupa’t sapat na sa kanila ang malupig sa negatibong panig, at hindi kayang isabuhay ang mga salita ng Diyos at maging mga taong banal—sila yaong mga taong hindi nailigtas. Sapagkat, kung hindi niya taglay ang katotohanan, hindi kakayanin ng taong manatiling nakatayo sa panahon ng mga pagsubok ng Diyos; tanging ang may kakayahan na tumayong matatag sa panahon ng mga pagsubok ng Diyos ang siyang mga nailigtas. Ang nais Ko ay mga taong tulad ni Pedro, mga taong nagsisikap na magawang perpekto. Ang katotohanan sa ngayon ay ipinagkakaloob sa mga nananabik at naghahanap dito. Ang pagliligtas na ito ay iginagawad sa mga yaong mahigpit na nagnanais na mailigtas ng Diyos, at hindi lamang ito itinakda upang makamit ninyo. Ang layunin nito ay upang maaaring makamit din kayo ng Diyos; nakakamit ninyo ang Diyos upang maaari kayong makamit ng Diyos. Ngayon ay winika Ko ang mga salitang ito sa inyo, at narinig ninyo ang mga yaon, at dapat kayong magsagawa ayon sa mga salitang ito. Sa huli, ang oras na isinagawa ninyo ang mga salitang ito ay magiging sandali kung kailan ay nakamit Ko kayo sa pamamagitan ng mga salitang ito; kasabay nito, ay inyo ring makakamit ang mga salitang ito, na ibig sabihin, ay makakamit ninyo ang pinakamataas na kaligtasang ito. Kapag kayo ay nalinis, kayo ay magiging isang tunay na tao na. Kung hindi mo kayang isabuhay ang katotohanan, o isabuhay ang wangis ng isa na nagawa nang perpekto, kung gayon ay masasabing ikaw ay hindi isang tao, kundi isang naglalakad na bangkay, isang hayop, dahil wala sa iyo ang katotohanan, na ibig sabihin ay wala sa iyo ang hininga ni Jehova, sa gayon ikaw ay isang patay na tao na walang espiritu! Bagaman posible na magpatotoo pagkatapos mong malupig, ang natamo mo lamang ay kaunting kaligtasan, at hindi ka pa naging isang buhay na taong nilalang na may taglay na espiritu. Bagaman nakaranas ka ng pagkastigo at paghatol, ang iyong disposisyon ay hindi napanibago o nabago bilang resulta; ikaw ay ang dati mo pa ring sarili, kabilang ka pa rin kay Satanas, at ikaw ay hindi isang tao na nalinis. Tanging yaong mga nagawang perpekto ang may halaga, at ang mga ganitong tao lamang ang nakatamo ng isang tunay na buhay.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 530
Ngayon, ang ilang tao ay naghahabol na magamit ng Diyos, ngunit pagkatapos malupig hindi na sila magagamit nang tuwiran. Hinggil sa mga salita na sinasabi ngayon, kung, kapag ginagamit ng Diyos ang mga tao, hindi mo pa rin kayang tuparin ang mga iyon, kung gayon ikaw ay hindi pa nagawang perpekto. Sa madaling salita, ang pagdating ng katapusan ng sakop ng panahon kapag ang tao ay nagawang perpekto ay magtatakda kung ang tao ba ay aalisin o gagamitin ng Diyos. Yaong mga nalupig ay hindi hihigit sa mga halimbawa ng pagsasawalang-kibo at pagiging negatibo; sila ay mga uliran at halimbawa, ngunit sila ay hindi hihigit sa isang paghahalo. Tanging kung ang disposisyon ng buhay ng tao ay nabago, at nakamit niya ang mga pagbabago sa panloob at panlabas na siya ay magiging nagawang ganap. Ngayon, alin ang nais mo, ang magpalupig o gawing perpekto? Alin ang nais mong makamit? Natupad mo na ba ang mga kundisyon sa pagiging nagawang perpekto? Alin mga kondisyon ang wala pa rin sa iyo? Paano mo dapat sangkapan ang iyong sarili, at paano mo dapat punuan ang iyong mga pagkukulang? Paano ka dapat pumasok tungo sa landas ng pagiging nagawang perpekto? Paano ka dapat lubusang magpasakop? Hinihiling mong magawang perpekto, kaya hinahabol mo ba ang kabanalan? Isang tao ka ba na naghahangad na makaranas ng pagkastigo at paghatol upang ikaw ay mapadalisay? Hinahabol mo ang pagiging nalinis, kaya handa ka bang tanggapin ang pagkastigo at paghatol? Hinihiling mong makilala ang Diyos, ngunit mayroon ka bang kaalaman sa Kanyang pagkastigo at paghatol? Ngayon, karamihan ng gawaing Kanyang ginagawa sa iyo ay pagkastigo at paghatol; ano ang iyong kaalaman sa gawaing ito, na naisakatuparan sa iyo? Ang mga naranasan mo bang pagkastigo at paghatol ay nakalinis sa iyo? Nabago ka ba nito? Nagkaroon ba ito ng anumang bunga sa iyo? Pagod na pagod ka na ba sa labis-labis na mga gawain ngayong araw—mga sumpa, mga paghatol, at mga pagsisiwalat—o nadarama mo ba na may malaking kapakinabangan ang mga ito sa iyo? Iniibig mo ang Diyos, ngunit bakit mo Siya iniibig? Iniibig mo ba ang Diyos dahil nakatanggap ka ng kaunting biyaya? O iniibig mo ba ang Diyos pagkatapos magkamit ng kapayapaan at kagalakan? O iniibig mo ba ang Diyos pagkatapos malinis ng Kanyang pagkastigo at paghatol? Ano ba ang tumpak na nagtutulot sa iyo na ibigin ang Diyos? Alin-alin bang mga kundisyon ang tinupad ni Pedro upang magawang perpekto? Pagkatapos niyang magawang perpekto, ano ba ang mahalagang paraan kung saan ito ipinahayag? Inibig ba niya ang Panginoong Jesus dahil nangungulila siya sa Kanya, o dahil sa hindi niya Siya makikita, o dahil sa siya ay sinisi? O inibig ba niya ang Panginoong Jesus nang higit pa dahil tinanggap niya ang pagdurusa dala ng mga kapighatian, at nakarating sa pagkakaalam ng sarili niyang karumihan at pagkamasuwayin, at nalaman ang kabanalan ng Panginoon? Naging higit bang dalisay ang kanyang pag-ibig sa Diyos dahil sa pagkastigo at paghatol ng Diyos, o mayroong ibang dahilan? Alin ito? Iniibig mo ang Diyos dahil sa biyaya ng Diyos, at dahil ngayon ay nabigyan ka Niya ng ilang munting pagpapala. Ito ba ay tunay na pag-ibig? Paano mo nga ba dapat ibigin ang Diyos? Dapat mo bang tanggapin ang Kanyang pagkastigo at paghatol, at pagkatapos mamasdan ang Kanyang matuwid na disposisyon, makakaya mong tunay na ibigin Siya, anupa’t ikaw ay lubusang napaniwala, at magkaroon ng kaalaman sa Kanya? Tulad ni Pedro, masasabi mo bang hindi mo maiibig ang Diyos nang sapat? Ang iyo bang hinahabol ay ang malupig pagkatapos ng pagkastigo at paghatol, o malinis, maingatan at makalinga matapos ang pagkastigo at paghatol? Alin sa mga ito ang iyong hinahabol? Makahulugan ba ang iyong buhay, o ito ay walang-layunin at walang-halaga? Gusto mo ba ang laman, o nais mo ang katotohanan? Hinihiling mo ba ang paghatol, o kaginhawahan? Yamang napakalawak ng iyong karanasan sa gawain ng Diyos, at yamang namasdan mo ang kabanalan at pagkamatuwid ng Diyos, paano ka dapat naghahabol? Paano ka dapat lumalakad sa landas na ito? Paano mo dapat isagawa ang iyong pag-ibig sa Diyos? Ang pagkastigo at paghatol ba ng Diyos ay nagkaroon ng epekto sa iyo? Kung ikaw man ay may kaalaman sa pagkastigo at paghatol ng Diyos o wala ay nakasalalay sa kung ano ang iyong isinasabuhay, at kung hanggang saan mo iibigin ang Diyos! Sinasabi ng iyong mga labi na iniibig mo ang Diyos, ngunit ang iyong isinasabuhay ay ang luma at tiwaling disposisyon; wala kang takot sa Diyos, at lalong wala kang konsensya. Iniibig ba ng gayong mga tao ang Diyos? Ang gayong mga tao ba ay matapat sa Diyos? Sila ba yaong mga tumatanggap sa pagkastigo at paghatol ng Diyos? Sinasabi mong iniibig mo ang Diyos at naniniwala ka sa Kanya, ngunit hindi mo binibitawan ang iyong mga kuru-kuro. Sa iyong gawain, pagpasok, mga salitang iyong sinasambit, at sa iyong buhay, walang pagpapahayag ng iyong pag-ibig sa Diyos, at walang paggalang sa Diyos. Siya ba yaong nakatamo ng pagkastigo at paghatol ng Diyos? Maaari kayang ang taong gaya nito ay si Pedro? Ang mga yaon ba na katulad ni Pedro ay mayroon lamang ng kaalaman ngunit hindi ang pagsasabuhay? Ngayon, ano ang kundisyon na kinakailangan sa tao upang isabuhay ang totoong buhay? Ang mga panalangin ba ni Pedro ay mga salita lamang na lumabas sa kanyang bibig? Hindi ba’t ang mga iyon ay mga salitang mula sa kaibuturan ng kanyang puso? Si Pedro ba ay nanalangin lamang, at hindi isinasagawa ang katotohanan? Para kaninong pakinabang ang iyong paghahabol? Paano ka dapat tumanggap ng proteksyon at paglilinis sa panahon ng pagkastigo at paghatol ng Diyos? Hindi ba kapaki-pakinabang sa tao ang pagkastigo at paghatol ng Diyos? Ang lahat ba ng paghatol ay kaparusahan? Maaari bang tanging ang kapayapaan at kagalakan, tanging mga materyal na pagpapala at panandaliang kaginhawahan, ang kapaki-pakinabang sa buhay ng tao? Kung ang tao ay nabubuhay sa kaaya-aya at maginhawang kapaligiran, isang buhay na walang paghatol, malilinis ba siya? Kung nais ng tao na siya ay mabago at malinis, paano niya tatanggapin ang pagiging nagawang perpekto? Alin ang landas na dapat mong piliin ngayon?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 531
Kapag nababanggit si Pedro, walang katapusan ang pagsasabi ng mga tao ng mabubuting bagay tungkol sa kanya. Agad nilang ginugunita ang tatlong beses na itinakwil niya ang Diyos, paano niya sinubok ang Diyos sa pagsisilbi kay Satanas, at paano siya ipinako sa krus nang patiwarik sa bandang huli para sa Diyos, at iba pa. Ngayon ay magtutuon Ako sa paglalarawan sa inyo kung paano Ako nakilala ni Pedro at kung ano ang kinahinatnan niya sa huli. Malaki ang kakayahan ni Pedro, ngunit ang kanyang sitwasyon ay hindi kagaya ng kay Pablo: Inusig Ako ng kanyang mga magulang, mga demonyo sila na nasapian ni Satanas at, dahil dito, wala silang itinurong anuman kay Pedro tungkol sa Diyos. Si Pedro ay mautak, matalino, at mahal na mahal ang kanyang mga magulang mula pa sa pagkabata. Subalit pagtanda niya, naging kaaway siya nila dahil hindi siya tumigil kailanman sa pagsisikap na makaalam tungkol sa Akin, at paglaon ay tumalikod siya sa kanila. Ito ay dahil, una sa lahat, naniwala siya na ang langit at lupa at lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Makapangyarihan sa lahat at na lahat ng positibong bagay ay nagmumula sa Diyos at tuwirang lumalabas mula sa Kanya nang hindi naiimpluwensyahan ni Satanas. Ang pagkakaiba ng mga magulang ni Pedro sa kanya ay nagbigay sa kanya ng higit na kaalaman tungkol sa Aking kagandahang-loob at awa, sa gayon ay nadagdagan ang kanyang hangaring hanapin Ako. Nagtuon siya hindi lamang sa pagkain at pag-inom ng Aking mga salita, kundi, bukod pa rito, sa pag-unawa sa Aking kalooban, at lagi siyang maingat sa kanyang puso. Dahil dito, lagi siyang sensitibo sa kanyang espiritu, at dahil dito ay nakaayon Siya sa Aking sariling puso sa lahat ng kanyang ginawa. Palagi siyang nakatuon sa mga kabiguan ng mga tao noong araw para magpasigla sa kanya, sa malaking pangamba na baka siya mabigo. Nagtuon din siya sa pakikibahagi sa pananampalataya at pagmamahal ng lahat ng nagmahal sa Diyos sa lahat ng kapanahunan. Sa ganitong paraan—hindi lamang sa mga negatibong aspeto, kundi ang higit na mahalaga, sa mga positibong aspeto—mas mabilis siyang lumago, kaya ang kanyang kaalaman ay naging pinakadakila sa lahat sa Aking presensya. Dahil dito, hindi mahirap isipin kung paano niya ipinaubaya ang lahat ng mayroon siya sa Aking mga kamay, paano niya isinuko maging ang paggawa ng mga desisyon tungkol sa pagkain, pananamit, pagtulog at kung saan siya nakatira, at sa halip ay tinamasa niya ang Aking mga kayamanan batay sa pagpapalugod niya sa Akin sa lahat ng bagay. Maraming beses Ko siyang isinailalim sa mga pagsubok—mga pagsubok, natural, na muntik na niyang ikamatay—ngunit sa kabila ng daan-daang pagsubok na ito, hindi siya nawalan ng pananampalataya sa Akin kailanman o nadismaya sa Akin. Kahit noong sabihin Ko na tinalikuran Ko na siya, hindi pa rin siya pinanghinaan ng loob, at patuloy niya Akong minahal sa isang praktikal na paraan at alinsunod sa dating mga prinsipyo ng pagsasagawa. Sinabi Ko sa kanya na hindi Ko siya pupurihin kahit minahal niya Ako, na sa huli ay ihahagis Ko siya sa mga kamay ni Satanas. Ngunit sa gitna ng mga pagsubok na ito, mga pagsubok na hindi sumapit sa kanyang laman, kundi sa mga salita, nanalangin pa rin siya sa Akin at nagsabing, “Diyos ko! Sa langit at sa lupa, at sa lahat ng bagay, mayroon bang sinumang tao, anumang nilalang, o anumang bagay na hindi Mo hawak sa mga kamay Mo, ang Makapangyarihan sa lahat? Kapag maawain Ka sa akin, labis na nagagalak ang puso ko sa Iyong awa. Kapag hinahatulan Mo ako hindi man ako karapat-dapat, lalo kong nadarama ang napakalalim na hiwaga ng Iyong mga gawa, dahil puno Ka ng awtoridad at karunungan. Bagama’t nahihirapan ang aking laman, naaaliw ang aking espiritu. Paanong hindi ko pupurihin ang Iyong karunungan at mga gawa? Kahit mamatay ako matapos Kang makilala, paanong hindi ko magagawa iyon nang may galak at masaya? Makapangyarihan sa lahat! Talaga bang ayaw Mo akong makita Ka? Talaga bang hindi ako karapat-dapat na tumanggap ng Iyong paghatol? Maaari kayang may isang bagay sa akin na ayaw Mong makita?” Sa gayong mga pagsubok, kahit hindi naintindihang mabuti ni Pedro ang Aking kalooban, malinaw na ipinagmalaki at ikinarangal niya na kinasangkapan Ko siya (kahit tinanggap niya ang Aking paghatol upang makita ng sangkatauhan ang Aking kamahalan at poot), at na hindi siya nabalisa sa mga pagsubok na ito. Dahil sa kanyang katapatan sa Aking harapan, at dahil sa Aking pagpapala sa kanya, naging isa siyang uliran at huwaran sa tao sa loob ng libu-libong taon. Hindi ba ito mismo ang dapat ninyong tularan? Pag-isipan ninyong mabuti at matagal kung bakit Ako naglahad ng ganito kahabang salaysay tungkol kay Pedro; dapat ay magsilbing mga prinsipyo ang mga ito na susundin ninyo sa inyong pagkilos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 6
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 532
Sinundan ni Pedro si Jesus nang ilang taon at maraming nakita sa Kanya na wala sa ibang tao. Matapos Siyang sundan nang isang taon, pinili ni Jesus si Pedro mula sa labindalawang alagad. (Siyempre, hindi ito sinabi nang malakas ni Jesus, at ni hindi iyon alam ng iba.) Sa buhay, sinukat ni Pedro ang kanyang sarili ayon sa lahat ng ginawa ni Jesus. Higit sa lahat, ang mga mensaheng ipinangaral ni Jesus ay nakaukit sa kanyang puso. Lubos siyang naging dedikado at tapat kay Jesus, at hindi siya kailanman nagsabi ng anumang mga hinaing laban sa Kanya. Dahil doon, naging tapat na kasama siya ni Jesus saanman Siya nagpunta. Inobserbahan ni Pedro ang mga turo ni Jesus, ang mahinahon Niyang mga salita, kung ano ang kinakain Niya, ang Kanyang pananamit, ang Kanyang tirahan, at kung paano Siya maglakbay. Tinularan niya si Jesus sa lahat ng aspeto. Hindi siya kailanman naging mapagmagaling, kundi iwinaksi niya ang lahat ng lipas na, na sinusunod ang halimbawa ni Jesus kapwa sa salita at gawa. Noon nadama ni Pedro na ang kalangitan at lupa at lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Makapangyarihan sa lahat at na, dahil dito, wala siyang pansariling pasiya. Natutuhan din ni Pedro ang lahat ng tungkol kay Jesus at ginamit iyon bilang halimbawa. Ipinapakita ng buhay ni Jesus na hindi Siya mapagmagaling sa Kanyang ginagawa; sa halip na ipagmalaki ang Kanyang sarili, pinukaw Niya ang mga tao sa pamamagitan ng pagmamahal. Ipinakita ng iba’t-ibang bagay kung ano si Jesus, at dahil dito, tinularan ni Pedro ang lahat ng tungkol sa Kanya. Dahil sa kanyang mga karanasan, nagkaroon si Pedro ng nag-iibayong pagkaunawa sa pagiging kaibig-ibig ni Jesus, at nagsabi ng mga bagay na tulad ng, “Hinanap ko ang Makapangyarihan sa lahat sa buong sansinukob, at namalas ko ang mga kababalaghan ng kalangitan at lupa at lahat ng bagay, at sa gayon ay nagkaroon ako ng malalim na pagkaunawa sa pagiging kaibig-ibig ng Makapangyarihan sa lahat. Gayunman, hindi ako nagkaroon kailanman ng tunay na pagmamahal sa aking sariling puso, at hindi pa kailanman nakita ng sarili kong mga mata ang pagiging kaibig-ibig ng Makapangyarihan sa lahat. Ngayon, sa paningin ng Makapangyarihan sa lahat, ako ay kinaluguran Niya, at sa wakas ay nadama ko na ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos. Sa wakas ay natuklasan ko na hindi minamahal ng sangkatauhan ang Diyos dahil lang nilikha Niya ang lahat ng bagay; sa aking pang-araw-araw na buhay, natagpuan ko ang Kanyang walang-hanggang pagiging kaibig-ibig. Paano iyon magiging limitado sa kung ano ang nakikita ngayon?” Sa paglipas ng panahon, marami ring kaibig-ibig na bagay ang nakita kay Pedro. Naging napakamasunurin niya kay Jesus, at siyempre, nagdanas din siya ng ilang problema. Kapag isinasama siya ni Jesus para mangaral sa iba’t-ibang lugar, laging nagpapakumbaba si Pedro at nakikinig sa mga sermon ni Jesus. Hindi siya kailanman naging mapagmataas dahil sa maraming taon ng pagsunod niya kay Jesus. Matapos sabihan ni Jesus na kaya Siya naparito ay upang ipako sa krus nang sa gayon ay matapos Niya ang Kanyang gawain, madalas makaramdam si Pedro ng pighati sa kanyang puso at lihim na iiyak nang mag-isa. Gayunpaman, dumating na sa wakas ang “malungkot” na araw na iyon. Matapos maaresto si Jesus, mag-isang umiyak si Pedro sa kanyang bangkang pangisda at umusal ng maraming dalangin para rito. Ngunit sa kanyang puso, alam niyang ito ang kalooban ng Diyos Ama, at na walang sinumang makapagpapabago roon. Nanatili siyang malungkot at naluluha dahil lamang sa kanyang pagmamahal. Isa itong kahinaan ng tao, siyempre. Sa gayon, nang malaman niyang ipapako si Jesus sa krus, tinanong niya si Jesus, “Sa Iyong pag-alis, babalik Ka ba sa aming piling at babantayan kami? Makikita Ka pa ba namin?” Bagama’t walang kamuwang-muwang ang mga salitang ito at puno ng mga kuru-kuro ng tao, alam ni Jesus ang pait ng pagdurusa ni Pedro, kaya sa pamamagitan ng Kanyang pagmamahal ay isinaalang-alang Niya ang kahinaan ni Pedro: “Pedro, minahal kita. Alam mo ba iyon? Bagama’t walang katwiran ang iyong sinasabi, nangako ang Ama na pagkatapos ng Aking pagkabuhay na mag-uli, magpapakita ako sa mga tao sa loob ng 40 araw. Hindi ka ba naniniwala na malimit na magkakaloob ng biyaya ang Aking Espiritu sa inyong lahat?” Kahit na bahagyang napayapa nito si Pedro, pakiramdam niya ay may isang bagay pa rin na nawawala, kaya nga, matapos mabuhay na mag-uli, hayagang nagpakita si Jesus sa kanya sa unang pagkakataon. Gayunman, para mapigilan si Pedro na patuloy na kumapit sa kanyang mga kuru-kuro, tinanggihan ni Jesus ang labis-labis na pagkaing inihanda ni Pedro para sa Kanya, at naglaho sa isang kisapmata. Mula sa sandaling iyon, sa wakas ay nagkaroon na si Pedro ng mas malalim na pagkaunawa sa Panginoong Jesus at lalo pa Siyang minahal. Pagkatapos ng Kanyang pagkabuhay na mag-uli, malimit na nagpakita si Jesus kay Pedro. Tatlong beses pa Siyang nagpakita kay Pedro makalipas ang apatnapung araw at umakyat na Siya sa langit. Bawat pagpapakita ay mismong sa sandaling matatapos na ang gawain ng Banal na Espiritu at magsisimula na ang bagong gawain.
Sa buong buhay niya, nabuhay si Pedro sa pangingisda ngunit, higit pa roon, nabuhay siya upang mangaral. Sa kanyang katandaan, isinulat niya ang una at pangalawang sulat ni Pedro, pati na rin ang ilang liham sa iglesia ng Philadelphia noong panahong iyon. Ang mga tao sa panahong ito ay lubhang naantig sa kanya. Sa halip na magsermon sa mga tao gamit ang sarili niyang mga kaalaman, binigyan niya sila ng angkop na panustos sa buhay. Hindi niya kailanman nakalimutan ang mga turo ni Jesus bago Siya lumisan, at naging inspirasyon ang mga iyon sa kanyang buong buhay. Habang sinusundan si Jesus, nagpasiya siyang suklian ang pagmamahal ng Panginoon ng kanyang kamatayan at sundan ang Kanyang halimbawa sa lahat ng bagay. Sumang-ayon dito si Jesus, kaya nang si Pedro ay 53 taong gulang (mahigit 20 taon nang nakaalis si Jesus), nagpakita sa kanya si Jesus para tumulong na matupad ang kanyang pangarap. Sa loob ng pitong taong kasunod noon, ginugol ni Pedro ang kanyang buhay sa pagkilala sa kanyang sarili. Isang araw, sa pagtatapos ng pitong taong ito, ipinako siya sa krus nang pabaliktad, sa gayon ay winawakasan ang kanyang pambihirang buhay.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pakahulugan sa mga Hiwaga ng “Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob”, Tungkol sa Buhay ni Pedro
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 533
Ano ba ang impluwensya ng kadiliman? Ang tinatawag na “impluwensya ng kadiliman” ay ang impluwensya ng panlilinlang, katiwalian, paggapos, at pagkontrol ni Satanas sa mga tao; ang impluwensya ni Satanas ay isang impluwensyang nagbabadya ng kamatayan. Lahat ng nabubuhay sa ilalim ng sakop ni Satanas ay tiyak na mamamatay. Paano ka makakatakas mula sa impluwensya ng kadiliman pagkatapos mong magkaroon ng pananampalataya sa Diyos? Kapag nanalangin ka na nang taos sa Diyos, ibinabaling mo nang lubusan ang iyong puso sa Kanya, at sa puntong ito ay inaantig ng Espiritu ng Diyos ang puso mo. Nagiging handa kang ibigay sa Kanya nang lubusan ang iyong sarili, at sa sandaling ito, nakatakas ka na mula sa impluwensya ng kadiliman. Kung ang lahat ng ginagawa ng tao ay yaong nakalulugod sa Diyos at naaayon sa Kanyang mga hinihingi, siya ay isang taong namumuhay ayon sa mga salita ng Diyos at sa ilalim ng Kanyang pangangalaga at proteksyon. Kung hindi maisagawa ng mga tao ang mga salita ng Diyos, kung lagi nilang tinatangkang lokohin Siya, kumikilos nang walang sigla ukol sa Kanya, at hindi naniniwala sa Kanyang pag-iral—lahat ng taong ito ay nabubuhay sa ilalim ng impluwensya ng kadiliman. Ang mga taong hindi pa nakatanggap ng pagliligtas ng Diyos ay nabubuhay sa ilalim ng sakop ni Satanas; ibig sabihin, lahat sila ay nabubuhay sa ilalim ng impluwensya ng kadiliman. Yaong mga hindi naniniwala sa Diyos ay nabubuhay sa ilalim ng sakop ni Satanas. Kahit yaong mga naniniwala sa pag-iral ng Diyos ay maaaring hindi nabubuhay sa Kanyang liwanag, sapagkat yaong mga naniniwala sa Kanya ay maaaring hindi talaga namumuhay ayon sa Kanyang mga salita ni nagagawang magpasakop sa Diyos. Ang tao ay limitado sa pananalig sa Diyos, at dahil wala siyang alam tungkol sa Diyos, nabubuhay pa rin siya ayon sa mga lumang panuntunan, sa mga salitang walang katuturan, sa isang buhay na madilim at walang katiyakan, nang hindi lubos na napadalisay ng Diyos ni lubos Niyang naangkin. Samakatuwid, bagaman hindi na kailangang sabihin pa na yaong mga hindi naniniwala sa Diyos ay nabubuhay sa ilalim ng impluwensya ng kadiliman, kahit yaong mga naniniwala sa Diyos ay maaaring nasa ilalim pa rin ng impluwensya nito, sapagkat wala sa kanila ang gawain ng Banal na Espiritu. Yaong mga hindi pa nakatanggap ng biyaya o awa ng Diyos at yaong mga hindi makakita sa gawain ng Banal na Espiritu ay nabubuhay na lahat sa ilalim ng impluwensya ng kadiliman; at karaniwan, gayon din ang mga taong nagtatamasa lamang ng biyaya ng Diyos subalit hindi Siya nakikilala. Kung ang isang tao ay naniniwala sa Diyos subalit ginugugol ang halos buong buhay niya sa pamumuhay sa ilalim ng impluwensya ng kadiliman, ang pag-iral ng taong ito ay nawalan na ng kabuluhan—at bakit pa babanggitin ang mga taong hindi naniniwala na mayroong Diyos?
Lahat niyaong hindi matanggap ang gawain ng Diyos, o tinatanggap ang gawain ng Diyos ngunit hindi makatugon sa Kanyang mga hinihingi, ay mga taong nabubuhay sa ilalim ng impluwensya ng kadiliman. Yaon lamang mga naghahangad ng katotohanan at kayang tumugon sa mga hinihingi ng Diyos ang tatanggap ng mga pagpapala mula sa Kanya, at sila lamang ang makatatakas mula sa impluwensya ng kadiliman. Yaong mga hindi napalaya, na laging kontrolado ng ilang bagay, at hindi magawang ibigay ang kanilang puso sa Diyos ay mga taong nasa ilalim ng pagkaalipin kay Satanas na nabubuhay na may nagbabadyang kamatayan. Yaong mga hindi tapat sa kanilang sariling mga tungkulin, hindi tapat sa atas ng Diyos, at hindi nagagampanan ang kanilang mga tungkulin sa iglesia ay mga taong nabubuhay sa ilalim ng impluwensya ng kadiliman. Yaong mga sadyang gumagambala sa buhay-iglesia, na sadyang nagpapasimula ng alitan sa pagitan ng kanilang mga kapatid, o bumubuo ng maliliit na grupo ay mga taong nabubuhay sa mas malalim na impluwensya ng kadiliman, sa pagkaalipin kay Satanas. Yaong mga hindi normal ang kaugnayan sa Diyos, na laging may maluluhong pagnanasa, na laging nais na manamantala, at hindi kailanman naghahangad na baguhin ang kanilang mga disposisyon ay mga taong nabubuhay sa ilalim ng impluwensya ng kadiliman. Yaong mga laging walang-ingat at hindi seryoso sa kanilang pagsasagawa ng katotohanan, at hindi naghahangad na tugunan ang kalooban ng Diyos, sa halip ay naghahangad lamang na bigyang kasiyahan ang sarili nilang laman, ay mga tao ring nabubuhay sa ilalim ng impluwensya ng kadiliman, na nalalambungan ng kamatayan. Yaong mga gumagawa ng kabuktutan at panlilinlang kapag gumagawa para sa Diyos, na padalus-dalos sa pakikitungo sa Diyos, na dinadaya ang Diyos, at laging nagpaplano para sa kanilang sarili ay mga taong nabubuhay sa ilalim ng impluwensya ng kadiliman. Lahat niyaong hindi kayang taos-pusong magmahal sa Diyos, na hindi hinahangad ang katotohanan, at hindi tumutuon sa pagbabago ng kanilang mga disposisyon ay mga taong nabubuhay sa ilalim ng impluwensya ng kadiliman.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tumakas mula sa Impluwensya ng Kadiliman, at Kakamtin Ka ng Diyos
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 534
Kung nais mong mapuri ng Diyos, kailangan mo munang tumakas mula sa madilim na impluwensya ni Satanas, buksan ang iyong puso sa Diyos at ibaling ito sa Kanya nang lubusan. Pupurihin ba ng Diyos ang mga bagay na ginagawa mo ngayon? Naibaling mo na ba ang puso mo sa Diyos? Ang mga nagawa mo ba ay mga bagay na hinihingi sa iyo ng Diyos? Naaayon ba ang mga iyon sa katotohanan? Suriin mo ang iyong sarili sa lahat ng oras at tumutok sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos; ilantad mo ang nilalaman ng puso mo sa Kanyang harapan, mahalin mo Siya nang tapat, at matapat mong gugulin ang iyong sarili para sa Diyos. Ang mga taong gumagawa nito ay tiyak na tatanggap ng papuri ng Diyos. Lahat niyaong naniniwala sa Diyos, subalit hindi hinahangad ang katotohanan, ay walang paraan upang makatakas mula sa impluwensya ni Satanas. Lahat niyaong hindi nabubuhay nang may katapatan, na maganda ang asal sa harap ng iba ngunit iba ang asal pagtalikod nila, na nagpapakita ng pagpapakumbaba, pasensya, at pagmamahal bagama’t ang diwa nila ay mapanira, tuso, at hindi tapat sa Diyos—ang gayong mga tao ay tipikal na mga kinatawan niyaong mga nabubuhay sa ilalim ng impluwensya ng kadiliman; sila ang mga kauri ng ahas. Yaong mga naniniwala lamang sa Diyos para sa sarili nilang pakinabang, na nag-aakalang mas matuwid sila kaysa sa iba at mayabang, mapagpasikat, at pinoprotektahan ang sarili nilang katayuan ay mga taong nagmamahal kay Satanas at kumokontra sa katotohanan. Ang mga taong ito ay lumalaban sa Diyos at lubos na nabibilang kay Satanas. Yaong mga hindi pumapansin sa mga pasanin ng Diyos, na hindi naglilingkod sa Diyos nang buong-puso, na laging inaalala ang sarili nilang mga interes at ang interes ng kanilang pamilya, na hindi magawang iwanan ang lahat upang gugulin ang kanilang sarili para sa Diyos, at na hindi kailanman namumuhay ayon sa Kanyang mga salita ay mga taong hindi sakop ng Kanyang mga salita. Ang ganitong mga tao ay hindi maaaring tumanggap ng papuri ng Diyos.
Nang likhain ng Diyos ang mga tao, ito ay upang matamasa nila ang Kanyang kasaganaan at tunay Siyang mahalin; sa ganitong paraan, mabubuhay ang mga tao sa Kanyang liwanag. Ngayon, tungkol naman sa lahat niyaong hindi kayang mahalin ang Diyos, hindi pinapansin ang Kanyang mga pasanin, hindi magawang ibigay nang lubusan ang kanilang puso sa Kanya, hindi magawang umayon sa Kanyang puso, at hindi kayang dalhin na parang kanila ang Kanyang mga pasanin—ang liwanag ng Diyos ay hindi sumisikat sa gayong mga tao, samakatuwid ay nabubuhay silang lahat sa ilalim ng impluwensya ng kadiliman. Sila ay nasa landas na lubhang salungat sa kalooban ng Diyos, at walang bahid ng katotohanan ang anumang kanilang ginagawa. Nakalublob sila sa burak na kasama ni Satanas; sila ay mga taong nabubuhay sa ilalim ng impluwensya ng kadiliman. Kung madalas kang makakakain at makakainom ng mga salita ng Diyos at makakasunod sa Kanyang kalooban at maisasagawa ang Kanyang mga salita, nabibilang ka sa Diyos, at ikaw ay isang taong namumuhay ayon sa Kanyang mga salita. Handa ka bang tumakas mula sa sakop ni Satanas at mabuhay sa liwanag ng Diyos? Kung namumuhay ka ayon sa mga salita ng Diyos, magkakaroon ng pagkakataon ang Banal na Espiritu na gampanan ang Kanyang gawain; kung nabubuhay ka sa ilalim ng impluwensya ni Satanas, hindi mo mabibigyan ng gayong pagkakataon ang Banal na Espiritu. Ang gawaing ginagampanan ng Banal na Espiritu sa mga tao, ang liwanag na Kanyang pinasisikat sa kanila, ang tiwalang ibinibigay Niya sa kanila ay tumatagal lamang nang isang saglit; kung ang mga tao ay hindi maingat at hindi nag-uukol ng pansin, lalampasan sila ng gawain ng Banal na Espiritu. Kung namumuhay ang mga tao ayon sa mga salita ng Diyos, sasakanila ang Banal na Espiritu at gagawa sa kanila. Kung ang mga tao ay hindi namumuhay ayon sa mga salita ng Diyos, nabubuhay sila sa mga gapos ni Satanas. Kung nabubuhay ang mga tao na may mga tiwaling disposisyon, wala sa kanila ang presensya o gawain ng Banal na Espiritu. Kung namumuhay ka sa loob ng hangganan ng mga salita ng Diyos, at kung nabubuhay ka sa kalagayang hinihingi ng Diyos, nabibilang ka sa Kanya, at ang Kanyang gawain ay maisasagawa sa iyo; kung hindi ka namumuhay sa loob ng hangganan ng mga hinihingi ng Diyos, kundi sa halip ay nabubuhay ka sa ilalim ng sakop ni Satanas, tiyak na namumuhay ka ayon sa katiwalian ni Satanas. Kapag namuhay ka ayon sa mga salita ng Diyos at ibinigay mo ang iyong puso sa Kanya, saka mo lamang matutugunan ang Kanyang mga hinihingi; kailangan mong gawin ang sinasabi ng Diyos, gawing pundasyon ng iyong pag-iral at realidad ng iyong buhay ang Kanyang mga pahayag; saka ka lamang mapapabilang sa Diyos. Kung talagang nagsasagawa ka alinsunod sa kalooban ng Diyos, gagawa Siya sa iyo at sa gayon ay mabubuhay ka sa ilalim ng Kanyang mga pagpapala, sa liwanag ng Kanyang mukha; mauunawaan mo ang gawaing ginagampanan ng Banal na Espiritu at madarama ang kagalakan ng presensya ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tumakas mula sa Impluwensya ng Kadiliman, at Kakamtin Ka ng Diyos
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 535
Para matakasan ang impluwensya ng kadiliman, kailangan ka munang maging matapat sa Diyos at magkaroon ng pananabik sa puso mo na hangarin ang katotohanan; saka ka lamang magkakaroon ng tamang kalagayan. Kailangan ka munang mamuhay sa tamang kalagayan para matakasan mo ang impluwensya ng kadiliman. Ang hindi pagkakaroon ng tamang kalagayan ay hindi pagiging matapat sa Diyos, at hindi pagkakaroon ng pananabik sa puso na hanapin ang katotohanan; at huwag nang pag-usapan pa ang pagtakas mula sa impluwensya ng kadiliman. Ang Aking mga salita ang batayan ng pagtakas ng tao mula sa mga impluwensya ng kadiliman, at ang mga taong hindi makapagsagawa alinsunod sa Aking mga salita ay hindi magagawang takasan ang mga gapos ng impluwensya ng kadiliman. Ang mabuhay sa tamang kalagayan ay ang mabuhay sa ilalim ng patnubay ng mga salita ng Diyos, ang mabuhay sa kalagayan ng pagiging matapat sa Diyos, ang mabuhay sa kalagayan ng paghahanap sa katotohanan, ang mabuhay sa realidad ng taos na paggugol ng sarili para sa Diyos, at ang mabuhay sa kalagayan ng tunay na pagmamahal sa Diyos. Yaong mga nabubuhay sa ganitong mga kalagayan at ayon sa realidad na ito ay unti-unting magbabago habang pumapasok sila sa kailaliman ng katotohanan, at magbabago sila habang mas lumalalim ang gawain; at sa huli, tiyak na magiging mga tao sila na nakamit ng Diyos at nagmamahal sa Diyos nang tunay. Yaong mga nakatakas mula sa impluwensya ng kadiliman ay unti-unting matitiyak ang kalooban ng Diyos at unti-unting mauunawaan ito, at kalaunan ay magiging mga pinagkakatiwalaan ng Diyos. Hindi lamang sila hindi nagkikimkim ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos at hindi naghihimagsik laban sa Kanya, kundi mas lalo rin nilang kinamumuhian yaong mga dati nilang kuru-kuro at paghihimagsik, at nagkakaroon sila ng tunay na pagmamahal sa Diyos sa kanilang puso. Ang mga taong hindi magawang tumakas mula sa impluwensya ng kadiliman ay pawang lubos na abala sa laman at puno ng paghihimagsik; ang kanilang puso ay puno ng mga kuru-kuro at pilosopiya ng tao para sa pamumuhay, pati na ng kanilang sariling mga hangarin at pangangatwiran. Ang hinihingi ng Diyos sa tao ay ang tanging pagmamahal nila; hinihiling Niya na maging abala ang tao sa Kanyang mga salita at magkaroon ng pusong puno ng pagmamahal para sa Kanya. Ang mamuhay ayon sa mga salita ng Diyos, saliksikin ang Kanyang mga salita para sa yaong dapat nilang hanapin, mahalin ang Diyos dahil sa Kanyang mga salita, kumilos para sa Kanyang mga salita, mabuhay para sa Kanyang mga salita—ito ang mga mithiing dapat pagsikapang makamtan ng tao. Lahat ay kailangang maitatag sa mga salita ng Diyos; saka lamang magagawang tugunan ng tao ang mga hinihingi ng Diyos. Kung ang tao ay hindi nasasangkapan ng mga salita ng Diyos, isa lamang siyang uod na nalulukuban ni Satanas! Timbangin mo ito: Gaano karaming salita ng Diyos ang nag-ugat na sa iyong kalooban? Aling mga bagay ang ipinamumuhay mo alinsunod sa Kanyang mga salita? Aling mga bagay ang hindi mo naipamumuhay alinsunod sa mga ito? Kung hindi ka pa lubos na napuno ng mga salita ng Diyos, ano ba talaga ang laman ng iyong puso? Sa iyong pang-araw-araw na buhay, kinokontrol ka ba ni Satanas, o puno ka ba ng mga salita ng Diyos? Ang Kanya bang mga salita ang pundasyon ng iyong mga dalangin? Nakalabas ka na ba mula sa iyong negatibong kalagayan sa tulong ng kaliwanagang dulot ng mga salita ng Diyos? Ang gawing pundasyon ng iyong buhay ang mga salita ng Diyos—ito ang dapat pasukin ng lahat. Kung wala ang Kanyang mga salita sa iyong buhay, nabubuhay ka sa ilalim ng impluwensya ng kadiliman, naghihimagsik ka laban sa Diyos, nilalabanan mo Siya, at inilalagay mo sa kahihiyan ang Kanyang pangalan. Ang paniniwala sa Diyos ng gayong mga tao ay puro kalokohan at panggugulo lamang. Gaano kalaking bahagi ng iyong buhay ang naipamuhay mo alinsunod sa Kanyang mga salita? Gaano kalaking bahagi ng iyong buhay ang hindi mo naipamuhay alinsunod sa Kanyang mga salita? Gaano kalaking bahagi ng hinihingi sa iyo ng salita ng Diyos ang natupad na sa iyo? Gaano kalaki ang nawala sa iyo? Nasuri mo na ba nang husto ang mga bagay na ito?
Ang pagtakas mula sa impluwensya ng kadiliman ay nangangailangan ng gawain ng Banal na Espiritu at ng tapat na pakikipagtulungan ng tao. Bakit Ko sinasabi na wala sa tamang landas ang tao? Ang mga taong nasa tamang landas ay makakayang ibigay muna ang kanilang puso sa Diyos. Ito ay isang gawaing nangangailangan ng napakahabang panahon upang mapasok, sapagkat nakasanayan na ng sangkatauhan na mabuhay sa ilalim ng impluwensya ng kadiliman, at nasa ilalim na ng pagkaalipin kay Satanas sa loob ng libu-libong taon. Samakatuwid, ang pagpasok na ito ay hindi magagawa sa loob lamang ng isa o dalawang araw. Binanggit Ko ang bagay na ito ngayon upang maunawaan ng mga tao ang sarili nilang kalagayan; sa sandaling mahiwatigan na ng tao kung ano ang impluwensya ng kadiliman at kung ano ang ibig sabihin ng mabuhay sa liwanag, magiging mas madali na ang pagpasok. Ito ay dahil kailangan mong malaman kung ano ang impluwensya ni Satanas bago ka makatakas mula rito; pagkatapos niyon, saka ka lamang magkakaroon ng paraan para maiwaksi iyon. Tungkol naman sa kung ano ang gagawin pagkatapos, sariling suliranin na iyan ng tao. Pumasok ka sa lahat mula sa isang positibong aspeto, at huwag kang basta maghintay nang balintiyak. Sa ganitong paraan ka lamang makakamit ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tumakas Mula sa Impluwensya ng Kadiliman, at Kakamtin Ka ng Diyos
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 536
Bawat isa sa mga salita ng Diyos ay tumatama sa isa sa ating mga mortal na bahagi, na iniiwan tayong sugatan at puno ng takot. Inilalantad Niya ang ating mga kuru-kuro, ang ating mga imahinasyon, at ang ating tiwaling disposisyon. Mula sa lahat ng ating sinasabi at ginagawa, hanggang sa lahat ng ating iniisip at ideya, ang ating kalikasan at diwa ay nahahayag sa Kanyang mga salita, na iniiwan tayong natatakot at nanginginig na walang mapagtaguan ng ating kahihiyan. Isa-isa, sinasabi Niya sa atin ang tungkol sa lahat ng ating kilos, ating mga layunin at hangarin, maging ang ating tiwaling disposisyon na hindi pa natin mismo natutuklasan, kaya pakiramdam natin ay nakalantad ang lahat ng ating kahabag-habag na depekto at, bukod pa riyan, talagang nahikayat tayo. Hinahatulan Niya tayo sa paglaban natin sa Kanya, kinakastigo tayo sa paglapastangan at pagkondena natin sa Kanya, at ipinararamdam sa atin na, sa Kanyang paningin, wala tayo ni isang katangiang katubus-tubos, na tayo ang buhay na Satanas. Nawasak ang ating mga pag-asa; hindi na tayo nangangahas na humiling sa Kanya ng anumang di-makatwiran o magpakana sa Kanya, at naglalaho maging ang ating mga pangarap sa magdamag. Ito ay isang katunayan na walang sinuman sa atin ang makakaisip at walang sinuman sa atin ang makatatanggap. Sa loob ng isang saglit, nawawalan tayo ng panimbang at hindi natin alam kung paano magpapatuloy sa daan tungo sa hinaharap, o kung paano magpapatuloy sa ating mga paniniwala. Para bang ang ating pananampalataya ay nagsimulang muli sa umpisa, at para bang hindi pa natin nakita kailanman ang Panginoong Jesus o nakilala Siya. Lahat ng nasa ating harapan ay pinupuno tayo ng pagkalito at pinag-aatubili tayo. Nasisiraan tayo ng loob, nalulungkot, at sa kaibuturan ng ating puso ay may di-mapigilang galit at kahihiyan. Sinusubukan nating magbulalas, makaiwas, at, bukod pa riyan, magpatuloy sa paghihintay para sa ating Tagapagligtas na si Jesus, upang maibuhos natin ang nilalaman ng ating puso sa Kanya. Bagama’t may mga pagkakataong mukha tayong kalmado, hindi mayabang ngunit hindi rin mapagpakumbaba, sa ating puso ay dama natin ang kawalan na hindi pa natin nadama kailanman. Bagama’t kung minsan ay mukha tayong kalmado, ang ating isipan ay naguguluhan sa paghihirap gaya ng maunos na dagat. Ang Kanyang paghatol at pagkastigo ay nahubaran tayo ng lahat ng pag-asa at pangarap natin, na nagwawakas sa ating maluluhong pagnanasa at iniiwan tayong hindi handang maniwala na Siya ang ating Tagapagligtas at may kakayahan Siyang iligtas tayo. Ang Kanyang paghatol at pagkastigo ay nagbukas ng puwang sa pagitan natin sa Kanya, na napakalalim kaya walang sinumang gustong tumawid doon. Ang Kanyang paghatol at pagkastigo ang unang pagkakataon na nagdanas tayo ng gayon kalaking kabiguan, gayon kalaking kahihiyan sa ating buhay. Ang Kanyang paghatol at pagkastigo ay naging dahilan upang tunay nating pahalagahan ang karangalan at hindi pagpaparaya ng Diyos sa pagkakasala ng tao, kumpara sa kung saan tayo masyadong mababa, masyadong marumi. Ang Kanyang paghatol at pagkastigo ay nagpatanto sa atin sa unang pagkakataon kung gaano tayo kayabang at kahambog, at kung paanong ang tao ay hindi kailanman magiging katulad ng Diyos, o kapantay ng Diyos. Ang Kanyang paghatol at pagkastigo ay nagawa tayong sabik na hindi na mamuhay sa gayon katiwaling disposisyon, alisin sa ating sarili ang ganitong kalikasan at diwa sa lalong madaling panahon, at tumigil na tayo sa pagiging masama at kasuklam-suklam sa Kanya. Ang Kanyang paghatol at pagkastigo ay nagpasaya sa atin sa pagsunod sa Kanyang mga salita, hindi na naghihimagsik laban sa Kanyang pangangasiwa at pagsasaayos. Ang Kanyang paghatol at pagkastigo ay minsan pang nagbigay sa atin ng pagnanais na mabuhay pa at nagpasaya sa atin sa pagtanggap sa Kanya bilang ating Tagapagligtas…. Nakalabas na tayo ng gawain ng paglupig, nakalabas ng impiyerno, nakalabas ng lambak ng anino ng kamatayan…. Ang Makapangyarihang Diyos ay nakamit na tayo, ang grupong ito ng mga tao! Nagtagumpay Siya laban kay Satanas at tinalo ang napakarami Niyang kaaway!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 4: Mamasdan ang Pagpapakita ng Diyos sa Kanyang Paghatol at Pagkastigo
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 537
Saka ka lamang gagawing perpekto kapag naiwaksi mo na ang iyong mga tiwaling disposisyon at naisabuhay ang normal na pagkatao. Bagama’t hindi mo makakayang mangusap ng propesiya, ni ng anumang mga hiwaga, isasabuhay at ilalantad mo ang larawan ng isang tao. Nilikha ng Diyos ang tao, ngunit ginawang tiwali ni Satanas ang tao, kung kaya’t naging “mga taong patay” sila. Kaya, matapos kang magbago, hindi ka na magiging tulad nitong “mga taong patay.” Ang mga salita ng Diyos ang nagpapaalab sa mga espiritu ng mga tao at nagdudulot ng kanilang muling pagkasilang, at kapag muling isinilang ang mga espiritu nila, nabuhay na sila. Kapag binabanggit Ko ang “mga taong patay,” tinutukoy ko ang mga walang espiritung bangkay, ang mga taong namatay na ang mga espiritu sa loob nila. Kapag nagningas ang apoy ng buhay sa mga espiritu ng mga tao, mabubuhay ang mga tao. Ang mga banal na tinukoy noon ay ang mga taong nabuhay na, yaong mga nasa ilalim ng impluwensya ni Satanas ngunit tinalo si Satanas. Napagtiisan ng mga hinirang na tao sa Tsina ang malupit at di-makataong pag-uusig at panlilinlang ng malaking pulang dragon, na iniwan silang napinsala ang isip at wala ni katiting na lakas ng loob upang mabuhay. Sa gayon, dapat magsimula ang pagpukaw ng kanilang mga espiritu sa kanilang diwa: Unti-unti, sa kanilang diwa, dapat mapukaw ang kanilang mga espiritu. Kapag nabuhay na sila balang araw, wala nang magiging mga sagabal pa, at magpapatuloy ang lahat nang maayos. Sa ngayon, nananatili itong hindi matatamo. Nabubuhay ang karamihan ng mga tao sa paraan na nagbibigay ng labis na pagkaramdam ng kamatayan; nababalot sila ng aura ng kamatayan, at napakarami nilang kakulangan. May dalang kamatayan ang mga salita ng ilang tao, may dalang kamatayan ang kanilang pagkilos, at halos lahat ng dala nila sa paraan ng pamumuhay nila ay mayroong kamatayan. Kung hayagang magpapatotoo sa Diyos ang mga tao ngayon, mabibigo sila rito, dahil hindi pa sila ganap na nabubuhay, at masyadong marami ang mga patay sa inyo. Ngayon, nagtatanong ang ilang tao kung bakit hindi nagpapakita ng ilang mga tanda at mga kababalaghan ang Diyos upang mabilis Niyang maipalaganap ang Kanyang gawain sa mga Hentil. Hindi maaaring magpatotoo sa Diyos ang mga patay; isang bagay ito na tanging ang mga buhay lang ang makakagawa, gayunpaman, karamihan ng mga tao ngayon ay “mga taong patay”; masyadong marami ang namumuhay na balot ng kamatayan, sa ilalim ng impluwensya ni Satanas, at hindi kayang magtagumpay. Dahil dito, paano sila makapagpapatotoo sa Diyos? Paano nila maipalalaganap ang gawain ng ebanghelyo?
Ang lahat ng namumuhay sa ilalim ng impluwensya ng kadiliman ay yaong mga namumuhay sa gitna ng kamatayan, yaong mga inangkin ni Satanas. Kung hindi iniligtas, hinatulan, at kinastigo ng Diyos, hindi makakatakas ang mga tao sa impluwensya ng kamatayan; hindi sila maaaring maging ang mga buhay. Hindi maaaring magpatotoo sa Diyos ang “mga taong patay” na ito, at ni hindi rin sila maaaring gamitin ng Diyos, lalo nang hindi makakapasok sa kaharian. Nais ng Diyos ang patotoo ng mga buhay, hindi ng mga patay, at hinihiling Niya na ang mga buhay, hindi ang mga patay, ang gumawa para sa Kanya. “Ang mga patay” ay yaong mga sumasalungat at naghihimagsik laban sa Diyos; sila yaong mga manhid ang espiritu at hindi nauunawaan ang mga salita ng Diyos; sila yaong mga hindi isinasagawa ang katotohanan at wala ni katiting na katapatan sa Diyos, at sila yaong mga namumuhay sa ilalim ng sakop ni Satanas at pinagsasamantalahan ni Satanas. Ipinapakita ng mga patay ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng paninindigan laban sa katotohanan, paghihimagsik sa Diyos, at pagiging mababa, kasuklam-suklam, mapaghangad ng masama, malupit, mapanlinlang, at lihim na mapanira. Kahit na kinakain at iniinom ng ganitong mga tao ang mga salita ng Diyos, hindi nila kayang isabuhay ang mga salita ng Diyos; kahit na buhay sila, lumalakad at humihingang mga bangkay lamang sila. Lubos na walang kakayahang pasayahin ng mga patay ang Diyos, lalo na ang maging ganap na masunurin sa Kanya. Kaya lamang nilang linlangin Siya, lapastanganin Siya, at ipagkanulo Siya, at ang lahat ng inilalabas nila sa pamamaraan ng kanilang pamumuhay ay naghahayag ng kalikasan ni Satanas. Kung nais ng mga tao na maging buhay na mga nilalang at magpatotoo sa Diyos, at maging kanais-nais sa Diyos, dapat nilang tanggapin ang pagliligtas ng Diyos; dapat silang malugod na magpasakop sa Kanyang paghatol at pagkastigo, at dapat nilang malugod na tanggapin ang pagtatabas at pakikitungo ng Diyos. Saka lamang nila maisasagawa ang lahat ng katotohanang hinihingi ng Diyos, at saka lamang nila makakamit ang pagliligtas ng Diyos at magiging tunay na buhay na mga nilalang. Inililigtas ng Diyos ang mga buhay; nahatulan at nakastigo na sila ng Diyos, handa silang italaga ang kanilang mga sarili at masayang ibigay ang kanilang mga buhay para sa Diyos, at malugod nilang ilalaan ang kanilang buong buhay sa Diyos. Tanging kapag nagpapatotoo lamang sa Diyos ang mga buhay saka mapapahiya si Satanas; tanging ang mga buhay lamang ang maaaring magpalaganap ng gawaing ebanghelyo ng Diyos, tanging ang mga buhay lamang ang kaayon ng puso ng Diyos, at tanging ang mga buhay lamang ang tunay na mga tao. Sa simula, ang taong nilikha ng Diyos ay buhay, ngunit dahil sa katiwalian ni Satanas, namumuhay ang tao sa gitna ng kamatayan, at namumuhay sa ilalim ng impluwensya ni Satanas, kaya nga, sa ganitong paraan, naging patay na walang espiritu ang mga tao, naging mga kaaway sila na sumasalungat sa Diyos, naging mga kasangkapan sila ni Satanas, at naging mga bihag sila ni Satanas. Naging patay na mga tao na ang lahat ng buhay na mga taong nilikha ng Diyos, kaya nawala sa Diyos ang Kanyang patotoo, at nawala sa Kanya ang sangkatauhang Kanyang nilikha na tanging nagtataglay ng Kanyang hininga. Kung babawiin ng Diyos ang Kanyang patotoo at babawiin yaong mga nilikha ng Kanyang sariling kamay subalit nabihag na ni Satanas, kailangan Niyang buhayin silang muli upang maging buhay na mga nilalang sila, at kailangan Niyang bawiin sila upang mamuhay sila sa Kanyang liwanag. Ang mga patay ay yaong mga walang espiritu, yaong mga sukdulang manhid at sumasalungat sa Diyos. Una sa lahat, sila yaong mga hindi nakakikilala sa Diyos. Wala ni katiting na intensyon ang mga taong ito na sumunod sa Diyos; naghihimagsik lamang sila laban sa Kanya at sinasalungat Siya, at wala kahit na katiting na katapatan. Ang mga buhay ay yaong mga isinilang muli ang mga espiritu, na alam sumunod sa Diyos, at mga tapat sa Diyos. Taglay nila ang katotohanan, at ang patotoo, at ang mga taong ito lamang ang nakalulugod sa Diyos sa Kanyang tahanan. Inililigtas ng Diyos yaong mga kayang mabuhay, na kayang makita ang pagliligtas ng Diyos, na kayang maging tapat sa Diyos at handang hanapin ang Diyos. Inililigtas Niya yaong mga naniniwala sa pagkakatawang-tao ng Diyos at sa Kanyang pagpapakita. Kayang mabuhay ng ilang tao, at ang ilan ay hindi; nakasalalay ito sa kung kayang maligtas o hindi ang kanilang kalikasan. Maraming tao ang nakarinig na nang marami sa mga salita ng Diyos ngunit hindi nauunawaan ang kalooban ng Diyos, at wala pa ring kakayahang isagawa ang mga ito. Walang kakayahang isabuhay ng mga ganitong tao ang anumang katotohanan, at sinasadyang manghimasok sa gawain ng Diyos. Hindi nila kayang gawin ang anumang gawain para sa Diyos, hindi nila maitalaga ang anumang bagay sa Kanya, at palihim din nilang ginugugol ang salapi ng simbahan at kumakain nang libre sa tahanan ng Diyos. Patay na ang mga taong ito, at hindi sila maliligtas. Inililigtas ng Diyos ang lahat ng nasa gitna ng Kanyang gawain, subalit may mga taong hindi makatatanggap ng Kanyang pagliligtas; maliit na bilang lamang ang makatatanggap ng Kanyang pagliligtas. Ito ay dahil karamihan sa mga tao ay masyado nang nagawang tiwali at naging patay, at hindi na sila maaari pang iligtas; ganap na silang napagsamantalahan ni Satanas, at masyadong mapaghangad ng masama ang kanilang kalikasan. Hindi rin magawa ng iilang mga taong ito na ganap na sundin ang Diyos. Hindi sila yaong mga lubos na naging tapat sa Diyos mula sa simula, o yaong mga sukdulang nagmahal na sa Diyos mula sa simula; sa halip, naging masunurin sila sa Diyos dahil sa Kanyang gawain ng panlulupig, nakikita nila ang Diyos dahil sa Kanyang sukdulang pagmamahal, may mga pagbabago sa kanilang disposisyon dahil sa matuwid na disposisyon ng Diyos, at nakikilala nila ang Diyos dahil sa Kanyang gawain, ang Kanyang gawain na parehong praktikal at normal. Kung wala ang gawaing ito ng Diyos, kahit gaano pa man kabuti ang mga taong ito, na kay Satanas pa rin sila, nasa kamatayan pa rin sila, at patay pa rin sila. Ang katotohanang maaaring makatanggap ng pagliligtas ng Diyos ang mga tao ngayon ay dahil lamang handa silang makipagtulungan sa Diyos.
Dahil sa kanilang katapatan sa Diyos, kakamtin ng Diyos ang mga buhay at mamumuhay sila sa gitna ng Kanyang mga pangako, at dahil sa kanilang pagsalungat sa Diyos, kamumuhian at tatanggihan ng Diyos ang mga patay at mamumuhay sila sa gitna ng Kanyang kaparusahan at mga sumpa. Ganito ang matuwid na disposisyon ng Diyos, na hindi mababago ng sinumang tao. Dahil sa kanilang sariling paghahangad, tumatanggap ang mga tao ng pag-ayon ng Diyos at namumuhay sa liwanag; dahil sa kanilang mga tusong pakana, isinusumpa ng Diyos ang mga tao at lumulusong sila sa kaparusahan; dahil sa kanilang masamang gawa, pinarurusahan ng Diyos ang mga tao, at dahil sa kanilang paghahangad at katapatan, tumatanggap ang mga tao ng pagpapala ng Diyos. Matuwid ang Diyos: Pinagpapala Niya ang mga buhay, at isinusumpa ang mga patay upang lagi silang nasa gitna ng kamatayan at hindi kailanman mamumuhay sa liwanag ng Diyos. Dadalhin ng Diyos ang mga buhay sa Kanyang kaharian at sa Kanyang mga pagpapala upang makapiling Siya magpakailanman. Ngunit para sa mga patay, lilipulin Niya sila at dadalhin sa walang-hanggang kamatayan; sila ang layon ng Kanyang pagwasak at palaging mapapabilang kay Satanas. Walang tinatrato ang Diyos nang hindi makatarungan. Tiyak na mananatili ang lahat ng mga tunay na naghahangad sa Diyos sa tahanan ng Diyos, at tiyak na mananahan ang lahat ng mga masuwayin sa Diyos at di-kaayon sa Kanya sa gitna ng Kanyang kaparusahan. Marahil nag-aalangan ka tungkol sa gawain ng Diyos sa katawang-tao—ngunit balang araw, hindi ang katawang-tao ng Diyos ang mismong maghahanda ng katapusan ng tao; sa halip, ang Kanyang Espiritu ang maghahanda sa hantungan ng tao, at sa panahong iyon malalaman ng mga tao na iisa ang katawang-tao ng Diyos at ang Kanyang Espiritu, na hindi kayang magkamali ng Kanyang katawang-tao, at na mas lalong walang kakayahang magkamali ang Kanyang Espiritu. Sa huli, tiyak na dadalhin Niya sa Kanyang kaharian yaong mga nabuhay, walang labis, walang kulang. Para sa mga patay na hindi nabuhay, itatapon sila sa pugad ni Satanas.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ikaw Ba ay Isang Taong Nabuhay Na?
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 538
Ang unang hakbang sa landas ng Banal na Espiritu sa tao, bago ang lahat, ay ang ilayo ang puso ng tao sa mga tao, pangyayari, at bagay at ituon sa mga salita ng Diyos, upang maniwala ang puso ng tao na ang mga salita ng Diyos ay ganap na hindi mapagdududahan, at totoong-totoo. Kung naniniwala ka sa Diyos, kailangan mong maniwala sa Kanyang mga salita; kung, pagkaraan ng maraming taon ng pananampalataya sa Diyos, hindi mo pa rin alam ang landas na tinatahak ng Banal na Espiritu, talaga bang sumasampalataya ka? Para magtamo ng isang normal na buhay ng tao—isang normal na buhay ng tao na may normal na kaugnayan sa Diyos—kailangan mo munang maniwala sa Kanyang mga salita. Kung hindi mo pa nagagawa ang unang hakbang ng gawain ng Banal na Espiritu sa mga tao, wala kang pundasyon. Kung hindi mo maunawaan maging ang pinakamabababang prinsipyo, paano mo tatahakin ang landas pasulong? Ang ibig sabihin ng pagtapak sa tamang landas kung saan ginagawang perpekto ng Diyos ang tao ay pagpasok sa tamang landas ng kasalukuyang gawain ng Banal na Espiritu; ang ibig sabihin nito ay pagtapak sa landas na tinatahak ng Banal na Espiritu. Sa ngayon, ang landas na tinatahak ng Banal na Espiritu ay ang kasalukuyang mga salita ng Diyos. Sa gayon, kung tatahak ang mga tao sa landas ng Banal na Espiritu, kailangan niyang sundin, at kainin at inumin, ang kasalukuyang mga salita ng Diyos na nagkatawang-tao. Ang gawaing Kanyang ginagawa ay ang gawain ng mga salita; lahat ay nagsisimula sa Kanyang salita, at lahat ay nakasalig sa Kanyang mga salita, sa Kanyang kasalukuyang mga salita. Pagiging tiyak man tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao, o pagkilala sa Diyos na nagkatawang-tao, bawat isa ay nangangailangan ng higit na pagsisikap sa Kanyang mga salita. Kung hindi, walang maisasagawa ang mga tao at walang matitirang anuman sa kanila. Tanging sa pagsalig lamang sa pundasyon ng pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, at sa gayon ay makilala Siya at mapalugod Siya, maaaring unti-unting makabuo ng normal na kaugnayan sa Diyos ang mga tao. Para sa tao, wala nang mas mabuting pakikipagtulungan sa Diyos kaysa sa pagkain at pag-inom ng Kanyang mga salita at pagsasagawa ng mga ito. Sa pamamagitan ng gayong pagsasagawa higit nilang nagagawang manindigan sa kanilang patotoo tungkol sa mga tao ng Diyos. Kapag nauunawaan at nagagawang sundin ng mga tao ang diwa ng kasalukuyang mga salita ng Diyos, nabubuhay sila sa landas ng pagiging nagabayan ng Banal na Espiritu, at nakatahak na sa tamang landas ng pagpeperpekto ng Diyos sa tao. Dati-rati, maaaring matamo ng mga tao ang gawain ng Diyos sa pamamagitan ng paghahangad lamang sa biyaya ng Diyos, o sa paghahangad ng kapayapaan at kagalakan, ngunit iba na ngayon ang mga bagay-bagay. Kung wala ang mga salita ng Diyos na nagkatawang-tao, kung wala ang realidad ng Kanyang mga salita, hindi makakamit ng mga tao ang pagsang-ayon ng Diyos at aalisin silang lahat ng Diyos. Upang magkamit ng normal na espirituwal na buhay, dapat munang kainin at inumin ng mga tao ang mga salita ng Diyos at isagawa ang mga ito, at pagkatapos, sa pundasyong ito, ay magtatag ng normal na kaugnayan sa Diyos. Paano ka nakikipagtulungan? Paano ka naninindigan sa patotoo tungkol sa mga tao ng Diyos? Paano ka bumubuo ng normal na kaugnayan sa Diyos?
Paano makita kung mayroon kang normal na kaugnayan sa Diyos sa iyong pang-araw-araw na buhay:
1. Naniniwala ka ba sa sariling patotoo ng Diyos?
2. Taos-puso ka bang naniniwala na ang mga salita ng Diyos ay totoo at hindi maaaring magkamali?
3. Isinasagawa mo ba ang Kanyang mga salita?
4. Matapat ka ba sa Kanyang tagubilin? Ano ang ginagawa mo upang maging matapat sa Kanyang tagubilin?
5. Lahat ba ng ginagawa mo ay para mapalugod ang Diyos at maging matapat sa Kanya?
Sa pamamagitan ng mga bagay na nakalista sa itaas, maaari mong suriin kung mayroon kang normal na kaugnayan sa Diyos sa kasalukuyang yugto.
Kung nagagawa mong tanggapin ang tagubilin ng Diyos, tanggapin ang Kanyang pangako, at sundan ang landas ng Banal na Espiritu, ginagampanan mo ang kalooban ng Diyos. Sa iyong kalooban, malinaw ba sa iyo ang landas ng Banal na Espiritu? Sa ngayon, kumikilos ka ba alinsunod sa landas ng Banal na Espiritu? Napapalapit ba ang puso mo sa Diyos? Nais mo bang umagapay sa pinakabagong liwanag ng Banal na Espiritu? Nais mo bang makamit ng Diyos? Nais mo bang maging isang pagpapakita ng kaluwalhatian ng Diyos sa lupa? Mayroon ka bang matibay na pagpapasya na matupad ang hinihingi ng Diyos sa iyo? Kapag sinasambit ang mga salita ng Diyos, kung sa iyong kalooban ay may matibay na pagpapasyang makipagtulungan, at matibay na pagpapasyang palugurin ang Diyos—kung ganito ka mag-isip—nangangahulugan ito na nagkaroon na ng bunga ang mga salita ng Diyos sa puso mo. Kung wala ka ng gayong matibay na pagpapasya, kung wala kang mga mithiing pinagsisikapang matamo, nangangahulugan iyan na hindi pa naaantig ng Diyos ang puso mo.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Taong Nagbago Na ang Disposisyon ay Yaong mga Nakapasok Na sa Realidad ng mga Salita ng Diyos
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 539
Sa patuloy na pagsisikap na mabago ang disposisyon sa buhay ng isang tao, ang landas ng pagsasagawa ay simple. Sa iyong praktikal na karanasan, kung nagagawa mong sundin ang kasalukuyang mga salita ng Banal na Espiritu at maranasan ang gawain ng Diyos, may kakayahang magbago ang iyong disposisyon. Kung sinusunod mo ang anumang sabihin ng Banal na Espiritu, at hinahanap mo ang anumang sabihin ng Banal na Espiritu, isa kang taong sumusunod sa Kanya, at magkakaroon ng pagbabago sa iyong disposisyon. Nagbabago ang disposisyon ng mga tao sa kasalukuyang mga salita ng Banal na Espiritu; kung lagi kang kumakapit sa dati mong mga karanasan at mga panuntunan noong araw, hindi magbabago ang iyong disposisyon. Kung hinihiling ng mga salita ng Banal na Espiritu sa ngayon na pumasok ang lahat ng tao sa isang buhay ng normal na pagkatao ngunit patuloy kang nakatuon sa mga panlabas na bagay, at nalilito ka tungkol sa realidad at hindi mo ito sineseryoso, isa kang tao na hindi nakaagapay sa gawain ng Banal na Espiritu, isang tao na hindi nakapasok sa landas ng patnubay ng Banal na Espiritu. Kung maaaring magbago ang iyong disposisyon o hindi ay depende sa kung umaagapay ka o hindi sa kasalukuyang mga salita ng Banal na Espiritu at kung mayroon kang tunay na kaalaman o wala. Kaiba ito sa dati ninyong naunawaan. Ang pagbabago sa iyong disposisyon na naunawaan mo dati ay na ikaw, na mabilis manghusga, ay tumigil na sa pagsasalita nang hindi nag-iisip sa pamamagitan ng pagdidisiplina ng Diyos; ngunit isang aspeto lamang ito ng pagbabago. Sa ngayon, ang pinakakritikal na punto ay ang pagsunod sa patnubay ng Banal na Espiritu: Sumunod sa anumang sinasabi ng Diyos, at sundin ang anumang sinasabi Niya. Hindi mababago ng mga tao ang sarili nilang disposisyon; kailangan silang dumaan sa paghatol at pagkastigo, at sa pagdurusa at pagpipino, ng mga salita ng Diyos, o sa pakikitungo, pagdidisiplina, at pagtatabas ng Kanyang mga salita. Pagkatapos noon, saka lamang sila magiging masunurin at matapat sa Diyos, at hindi na magpapadalus-dalos sa pakikitungo sa Kanya. Sa ilalim ng pagpipino ng mga salita ng Diyos nagbabago ang disposisyon ng mga tao. Sa pamamagitan lamang ng paglalantad, paghatol, pagdidisiplina, at pakikitungo ng Kanyang mga salita sila hindi na mangangahas na kumilos nang walang pakundangan kundi sa halip ay magiging matatag at mahinahon sila. Ang pinakamahalagang punto ay na nagagawa nilang magpasakop sa kasalukuyang mga salita ng Diyos, at sa Kanyang gawain, kahit hindi ito nakaayon sa mga kuru-kuro ng tao, nagagawa nilang isantabi ang mga kuru-kurong ito at maluwag sa loob na magpasakop. Noong araw, ang usapan tungkol sa mga pagbabago sa disposisyon ay pangunahing tumukoy lamang sa pagtalikod sa sarili, pagpapahintulot na magdusa ang laman, pagdidisiplina sa katawan ng isang tao, at pag-aalis sa sarili ng mga makamundong kagustuhan—na isang uri ng pagbabago sa disposisyon. Ngayon, alam ng lahat na ang tunay na pagpapakita ng pagbabago sa disposisyon ay sa pagsunod sa kasalukuyang mga salita ng Diyos at tunay na pagkaalam sa Kanyang bagong gawain. Sa ganitong paraan, maaaring mapawi ang dating pagkaunawa ng mga tao tungkol sa Diyos, na nakulayan ng sarili nilang mga kuru-kuro, at makapagtatamo sila ng tunay na kaalaman at pagsunod sa Diyos—ito lamang ang tunay na pagpapahayag ng isang pagbabago sa disposisyon.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Taong Nagbago Na ang Disposisyon ay Yaong mga Nakapasok Na sa Realidad ng mga Salita ng Diyos
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 540
Ang patuloy na pagsisikap ng mga tao na makapasok sa buhay ay batay sa mga salita ng Diyos. Dati-rati, sinabi na lahat ay isinasakatuparan dahil sa Kanyang mga salita, ngunit walang nakakita sa katotohanang ito. Kung papasok ka sa pagdanas ng kasalukuyang hakbang, magiging malinaw ang lahat sa iyo, at magtatatag ka ng isang magandang pundasyon para sa mga pagsubok sa hinaharap. Anuman ang sabihin ng Diyos, magtuon ka lamang sa pagpasok sa Kanyang mga salita. Kapag sinabi ng Diyos na sisimulan Niyang kastiguhin ang mga tao, tanggapin mo ang Kanyang pagkastigo. Kapag hiniling ng Diyos na mamatay ang mga tao, tanggapin mo ang pagsubok na iyon. Kung palagi kang nabubuhay ayon sa Kanyang pinakabagong mga pahayag, sa huli ay gagawin kang perpekto ng mga salita ng Diyos. Habang mas pumapasok ka sa mga salita ng Diyos, mas mabilis kang gagawing perpekto. Bakit Ko hinihiling, sa sunud-sunod na pagbabahagi, na alamin ninyo at pasukin ang mga salita ng Diyos? Kapag patuloy mong pinagsisikapang matamo at maranasan ang mga salita ng Diyos, at pumapasok ka sa realidad ng Kanyang mga salita, saka lamang magkakaroon ng pagkakataon ang Banal na Espiritu na gumawa sa iyo. Samakatuwid, lahat kayo ay mga kalahok sa bawat pamamaraan ng paggawa ng Diyos, at gaano man kayo nagdurusa, sa huli ay tatanggap kayong lahat ng isang “paalaala.” Upang makamtan ang inyong panghuling pagpeperpekto, kailangan ninyong pumasok sa lahat ng salita ng Diyos. Ang pagpeperpekto ng Banal na Espiritu sa mga tao ay hindi pang-isahan; hinihingi Niyang makipagtulungan ang mga tao, kailangan Niya ang lahat na sadyang makipagtulungan sa Kanya. Anuman ang sabihin ng Diyos, magtuon lamang sa pagpasok sa Kanyang mga salita—magiging mas kapaki-pakinabang ito sa inyong buhay. Lahat ay para magkaroon ng pagbabago sa inyong disposisyon. Kapag pumasok ka sa mga salita ng Diyos, aantigin Niya ang puso mo, at magagawa mong malaman ang lahat ng nais ng Diyos na matupad sa hakbang na ito ng Kanyang gawain, at magkakaroon ka ng matibay na pagpapasya na tuparin ito. Sa panahon ng pagkastigo, may mga taong naniwala na ito ay isang pamamaraan ng gawain, at hindi sila naniwala sa mga salita ng Diyos. Dahil dito, hindi sila sumailalim sa pagpipino, at lumabas mula sa panahon ng pagkastigo na walang anumang napala o naunawaan. May ilan na talagang pumasok sa mga salitang ito nang wala ni katiting na pagdududa, na nagsabi na ang mga salita ng Diyos ang katotohanang hindi maaaring magkamali at na dapat kastiguhin ang sangkatauhan. Nahirapan sila roon sa loob ng kaunting panahon, pinakakawalan ang kanilang kinabukasan at kanilang tadhana, at paglabas nila, nagkaroon ng kaunting pagbabago sa kanilang disposisyon, at nagtamo sila ng mas malalim na pagkaunawa tungkol sa Diyos. Nadama ng lahat ng nakastigo ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos at natanto nila na ang hakbang na ito ng gawain ay sumasagisag sa dakilang pagmamahal ng Diyos na sumasakanila, na ito ang paglupig at pagliligtas ng pagmamahal ng Diyos. Sinabi rin nila na ang mga iniisip ng Diyos ay palaging mabuti, at na lahat ng ginagawa ng Diyos sa tao ay dahil sa pagmamahal, hindi sa pagkamuhi. Yaong mga hindi naniwala sa mga salita ng Diyos, hindi umasa sa Kanyang mga salita, ay hindi sumailalim sa pagpipino sa panahon ng pagkastigo, at dahil dito, hindi sumakanila ang Banal na Espiritu, at wala silang napala. Para sa mga pumasok sa panahon ng pagkastigo, bagama’t sumailalim nga sila sa pagpipino, lihim na gumagawa ang Banal na Espiritu sa kanilang kalooban, at nabago ang disposisyon nila sa buhay dahil dito. Tila ang ilan, paano man tingnan, ay napakapositibo, puno ng saya buong araw, ngunit hindi sila pumasok sa kalagayan ng pagpipino ng mga salita ng Diyos at kaya ni hindi man lang nagbago, na siyang naging bunga ng hindi paniniwala sa mga salita ng Diyos. Kung hindi mo pinaniniwalaan ang mga salita ng Diyos, hindi gagawa sa iyo ang Banal na Espiritu. Nagpapakita ang Diyos sa lahat ng naniniwala sa Kanyang mga salita, at yaong naniniwala at tumatanggap sa Kanyang mga salita ay makakamtan ang Kanyang pagmamahal!
Para makapasok sa realidad ng mga salita ng Diyos, dapat mong hanapin ang landas ng pagsasagawa at alamin kung paano isagawa ang mga salita ng Diyos. Saka lamang magkakaroon ng pagbabago sa iyong disposisyon sa buhay, mapeperpekto ka ng Diyos sa pamamagitan lamang ng landas na ito, at ang mga tao lamang na nagawang perpekto ng Diyos sa ganitong paraan ang maaaring makaayon sa Kanyang kalooban. Para makatanggap ng bagong liwanag, kailangan mong mamuhay ayon sa Kanyang mga salita. Hindi maaaring maantig lamang nang minsanan ng Banal na Espiritu—kailangan mong maging mas marubdob. Para sa mga minsan lamang naantig, napukaw lamang ang kanilang kasigasigan, at nais nilang maghanap, ngunit hindi ito maaaring magtagal; kailangan silang patuloy na antigin ng Banal na Espiritu. Maraming beses Kong nabanggit dati na inaasam Ko na maantig ng Espiritu ng Diyos ang espiritu ng mga tao, upang patuloy nilang sikaping baguhin ang kanilang disposisyon sa buhay, at habang naghahangad silang maantig ng Diyos, ay maunawaan nila ang sarili nilang mga kakulangan, at sa proseso ng pagdanas sa Kanyang mga salita ay maitakwil nila ang mga karumihan sa kanilang sarili (pagmamagaling, kayabangan, mga kuru-kuro, at iba pa). Huwag ninyong isipin na sapat na ang maging maagap sa pagtanggap ng bagong liwanag—kailangan din ninyong itakwil ang lahat ng negatibo. Sa isang banda, kailangan ninyong pumasok mula sa isang positibong aspeto, at sa kabilang banda, kailangan ninyong alisin sa inyong sarili ang lahat ng marumi mula sa negatibong aspeto. Kailangan mong patuloy na suriin ang iyong sarili upang makita kung aling maruruming bagay ang umiiral pa rin sa iyong kalooban. Ang mga relihiyosong kuru-kuro ng sangkatauhan, ang mga layon, pag-asam, pagmamagaling, at kayabangan ay pawang maruruming bagay. Suriin mo ang sarili mo, at ikumpara ang lahat sa lahat ng salita ng paghahayag ng Diyos, upang makita kung aling mga relihiyosong kuru-kuro ang mayroon ka. Kapag tunay mong kinikilala ang mga ito, saka mo lamang maitatakwil ang mga ito. Sinasabi ng ilang tao: “Sapat na ngayon na sundan lamang ang liwanag ng kasalukuyang gawain ng Banal na Espiritu. Hindi na kailangang pagkaabalahan ang iba pa.” Kaya lang, kapag nangingibabaw ang iyong mga relihiyosong kuru-kuro, paano mo aalisin ang mga ito? Palagay mo ba madaling sundin ang mga salita ng Diyos ngayon? Kung mayroon kang relihiyon, maaaring magkaroon ng mga pagkagambala mula sa iyong mga relihiyosong kuru-kuro at sa tradisyonal na mga teoryang teolohikal na nasa puso mo, at kapag nangingibabaw ang mga bagay na ito, nakakasagabal ito sa pagtanggap mo sa mga bagong bagay. Lahat ng ito ay mga tunay na problema. Kung ang patuloy mo lamang pagsisikapang matamo ay ang kasalukuyang mga salita ng Banal na Espiritu, hindi mo matutupad ang kalooban ng Diyos. Kasabay ng patuloy mong pagsisikap na mahanap ang kasalukuyang liwanag ng Banal na Espiritu, dapat mong kilalanin kung aling mga kuru-kuro at layon ang kinikimkim mo, at kung anong pagmamagaling ng tao ang mayroon ka, at kung aling mga pag-uugali ang masuwayin sa Diyos. At pagkatapos mong makilala ang lahat ng bagay na ito, kailangan mong itakwil ang mga ito. Ang paggawa sa iyong talikdan ang dati mong mga kilos at pag-uugali ay pawang para tulutan kang masunod ang mga salitang sinasambit ngayon ng Banal na Espiritu. Ang pagbabago sa disposisyon, sa isang banda, ay nakakamtan sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, at sa kabilang banda naman, nangangailangan ito ng pakikipagtulungan ng sangkatauhan. Mayroong gawain ng Diyos at mayroon ding pagsasagawa ng tao, at parehong kailangang-kailangan ang mga ito.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Taong Nagbago Na ang Disposisyon ay Yaong mga Nakapasok Na sa Realidad ng mga Salita ng Diyos
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 541
Sa landas ng iyong paglilingkod sa hinaharap, paano mo matutupad ang kalooban ng Diyos? Ang isang mahalagang punto ay ang patuloy na sikaping makapasok sa buhay, patuloy na sikaping magkaroon ng pagbabago sa disposisyon, at patuloy na sikaping mas lalong makapasok sa katotohanan—ito ang landas tungo sa pagtatamo ng pagpeperpekto at pagiging nakamit ng Diyos. Lahat kayo ay tumatanggap ng tagubilin ng Diyos, ngunit anong klaseng tagubilin? Nauugnay ito sa susunod na hakbang ng gawain; ang susunod na hakbang ng gawain ay magiging mas dakilang gawaing isinasagawa sa buong sansinukob, kaya ngayon, dapat ninyong patuloy na sikaping baguhin ang inyong disposisyon sa buhay, upang sa hinaharap ay talagang maging patunay kayo ng pagtatamo ng Diyos ng kaluwalhatian sa pamamagitan ng Kanyang gawain, na gagawin kayong mga uliran para sa Kanyang gawain sa hinaharap. Ang patuloy na pagsisikap ngayon ay lubos na para sa paglalatag ng pundasyon para sa gawain sa hinaharap, upang gamitin kayo ng Diyos at makapagpatotoo kayo sa Kanya. Kung gagawin mo itong mithiin ng iyong paghahangad, makakamit mo ang presensya ng Banal na Espiritu. Kapag mas mataas ang itinatakda mong mithiin ng iyong patuloy na pagsisikap, mas magagawa kang perpekto. Kapag mas patuloy mong pinagsisikapang matamo ang katotohanan, mas gumagawa ang Banal na Espiritu. Kapag mas masigla ka sa iyong patuloy na pagsisikap, mas marami kang mapapala. Pineperpekto ng Banal na Espiritu ang mga tao ayon sa panloob nilang kalagayan. Sinasabi ng ilang tao na hindi sila handang gamitin ng Diyos o gawin Niyang perpekto, na nais lamang nilang manatiling ligtas ang kanilang laman at hindi dumanas ng anumang kamalasan. Ang ilang tao ay ayaw pumasok sa kaharian subalit handang bumaba sa walang hanggang kalaliman. Kung gayon, ipagkakaloob din ng Diyos ang iyong nais. Anuman ang iyong hinahangad, papangyarihin iyon ng Diyos. Kaya ano ang hinahangad mo sa ngayon? Iyon ba ay ang magawang perpekto? Ang kasalukuyan mo bang mga kilos at pag-uugali ay para magawang perpekto ng Diyos at makamit Niya? Kailangan mong palagiang sukatin ang iyong sarili sa ganitong paraan sa iyong pang-araw-araw na buhay. Kung buong puso mong patuloy na pinagsisikapang makamtan ang isang mithiin, tiyak na gagawin kang perpekto ng Diyos. Gayon ang landas ng Banal na Espiritu. Ang landas kung saan ginagabayan ng Banal na Espiritu ang mga tao ay nakakamit sa pamamagitan ng kanilang paghahangad. Kapag mas nauuhaw kang magawang perpekto at makamit ng Diyos, mas gagawa ang Banal na Espiritu sa iyong kalooban. Kapag mas bigo kang magsikap, at mas negatibo ka at bumabalik sa dati, mas pinagkakaitan mo ang Banal na Espiritu ng mga pagkakataong gumawa; habang lumalaon, pababayaan ka ng Banal na Espiritu. Nais mo bang magawang perpekto ng Diyos? Nais mo bang makamit ng Diyos? Nais mo bang kasangkapanin ka ng Diyos? Dapat ninyong patuloy na sikaping gawin ang lahat para magawa kayong perpekto, makamit, at kasangkapanin ng Diyos, upang makita ng sansinukob at ng lahat ng bagay ang mga kilos ng Diyos na nakikita sa inyo. Kayo ang panginoon ng lahat ng bagay, at sa gitna ng lahat ng naroroon, hahayaan ninyong matamasa ng Diyos ang patotoo at kaluwalhatian sa pamamagitan ninyo—patunay ito na kayo ang pinakamapalad sa lahat ng henerasyon!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Taong Nagbago Na ang Disposisyon ay Yaong mga Nakapasok Na sa Realidad ng mga Salita ng Diyos
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 542
Kapag mas isinasaisip mo ang kalooban ng Diyos, mas bibigat ang iyong pasanin, at kapag mas mabigat ang iyong pasanin, mas yayaman ang iyong karanasan. Kapag isinasaisip mo ang kalooban ng Diyos, bibigyan ka ng Diyos ng isang pasanin, at pagkatapos ay liliwanagan ka tungkol sa mga gawaing naipagkatiwala Niya sa iyo. Kapag ibinigay ng Diyos ang pasaning ito sa iyo, papansinin mo ang lahat ng nauugnay na katotohanan habang kumakain at umiinom ka ng mga salita ng Diyos. Kung mayroon kang pasanin na may kaugnayan sa kalagayan sa buhay ng iyong mga kapatid, ito ay isang pasanin na naipagkatiwala sa iyo ng Diyos, at palagi mong dadalhin ang pasaning ito sa iyong mga dalangin sa araw-araw. Ang ginagawa ng Diyos ay naipagkatiwala na sa iyo, at handa kang isakatuparan yaong nais gawin ng Diyos; ito ang ibig sabihin ng dalhin na parang iyo ang pasanin ng Diyos. Sa puntong ito, sa iyong pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, magtutuon ka sa ganitong klase ng mga isyu, at iisipin mo, Paano ko lulutasin ang mga problemang ito? Paano ko mabibigyan ng kakayahan ang aking mga kapatid na magkamit ng paglaya at makasumpong ng espirituwal na kasiyahan? Magtutuon ka rin sa paglutas ng mga problemang ito habang nakikibahagi, at habang kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, magtutuon ka sa pagkain at pag-inom ng mga salitang nauugnay sa mga isyung ito. Magdadala ka rin ng isang pasanin habang kumakain at umiinom ng Kanyang mga salita. Kapag naunawaan mo na ang mga hinihingi ng Diyos, magkakaroon ka ng mas malinaw na ideya tungkol sa landas na tatahakin. Ito ang kaliwanagan at pagpapalinaw ng Banal na Espiritu na dulot ng iyong pasanin, at ito rin ang patnubay na ipinagkaloob ng Diyos sa iyo. Bakit Ko sinasabi ito? Kung wala kang pasanin, hindi ka magbibigay-pansin habang kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos; kapag ikaw ay kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos habang nagdadala ng isang pasanin, mauunawaan mo ang diwa ng mga ito, mahahanap ang iyong daan, at isasaisip ang kalooban ng Diyos. Samakatuwid, sa iyong mga dalangin, dapat mong hilingin na dagdagan ng Diyos ang iyong mga pasanin at ipagkatiwala sa iyo ang mas mabibigat na gawain, para sa hinaharap, maaari kang magkaroon ng iba pang landas ng pagsasagawa; para ang iyong pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos ay magkaroon ng mas matinding epekto; para maunawaan mo ang diwa ng Kanyang mga salita; at para mas makayanan mong maantig ng Banal na Espiritu.
Ang pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, pananalangin, pagtanggap ng pasanin ng Diyos, at pagtanggap ng mga gawaing ipinagkakatiwala Niya sa iyo—lahat ng ito ay para mayroong landas sa iyong harapan. Kapag mas mabigat ang pasaning ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos, mas madali ka Niyang mapeperpekto. Ayaw makipagtulungan ng ilan sa iba sa paglilingkod sa Diyos, kahit natawag sila; tamad ang mga taong ito na nais lamang magsaya sa kaginhawahan. Kapag mas pinaglilingkod ka sa pakikipagtulungan sa iba, mas marami kang mararanasan. Dahil mas marami kang pasanin at karanasan, magkakaroon ka ng mas maraming pagkakataong maperpekto. Samakatuwid, kung kaya mong paglingkuran nang tapat ang Diyos, isasaisip mo ang pasanin ng Diyos; dahil diyan, magkakaroon ka ng mas maraming pagkakataong maperpekto ng Diyos. Ang gayong grupo lamang ng mga tao ang kasalukuyang pineperpekto. Kapag mas inaantig ka ng Banal na Espiritu, mas maraming panahon kang iuukol sa pagsasaisip sa pasanin ng Diyos, mas mapeperpekto ka ng Diyos, at mas makakamit ka Niya—hanggang, sa bandang huli, magiging isang tao ka na kinakasangkapan ng Diyos. Sa kasalukuyan, may ilan na walang dinadalang pasanin para sa iglesia. Ang mga taong ito ay maluwag at pabaya, at ang tanging pinahahalagahan nila ay ang sarili nilang laman. Ang gayong mga tao ay masyadong makasarili, at bulag din sila. Kung hindi malinaw sa iyo ang bagay na ito, hindi ka magdadala ng anumang pasanin. Kapag mas isinasaisip mo ang kalooban ng Diyos, mas mabigat ang pasaning ipagkakatiwala Niya sa iyo. Ang mga makasarili ay ayaw magtiis ng gayong mga bagay; ayaw nilang bayaran ang halaga, at, dahil dito, mawawalan sila ng mga pagkakataong maperpekto ng Diyos. Hindi ba nila sinasaktan ang kanilang sarili? Kung ikaw ay isang tao na isinasaisip ang kalooban ng Diyos, magkakaroon ka ng tunay na pasanin para sa iglesia. Sa katunayan, sa halip na tawagin itong pasanin na dinadala mo para sa iglesia, mas mainam na tawagin itong pasanin na dinadala mo para sa iyong sariling buhay, dahil ang layunin ng pasaning ito na binubuo mo para sa iglesia ay para magamit mo ang gayong mga karanasan upang maperpekto ka ng Diyos. Samakatuwid, sinuman ang nagdadala ng pinakamabigat na pasanin para sa iglesia, at sinuman ang nagdadala ng isang pasanin para makapasok sa buhay—sila ang magiging mga taong pineperpekto ng Diyos. Malinaw na ba ito sa iyo? Kung ang iglesiang kinabibilangan mo ay nakakalat na parang buhangin, ngunit hindi ka nag-aalala ni nababahala, at nagbubulag-bulagan ka pa kapag hindi normal na kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos ang iyong mga kapatid, hindi ka nagdadala ng anumang mga pasanin. Ang gayong mga tao ay hindi ang klaseng kinatutuwaan ng Diyos. Ang klase ng mga taong kinatutuwaan ng Diyos ay nagugutom at nauuhaw para sa katuwiran at isinasaisip ang kalooban ng Diyos. Sa gayon, dapat ninyong isaisip ang pasanin ng Diyos, ngayon mismo; hindi ninyo dapat hintaying ihayag ng Diyos ang Kanyang matuwid na disposisyon sa buong sangkatauhan bago ninyo isaisip ang pasanin ng Diyos. Hindi ba magiging huli na ang lahat sa oras na iyon? Ngayon ang magandang pagkakataon upang maperpekto ng Diyos. Kung hahayaan mong makalagpas ang pagkakataong ito, pagsisisihan mo iyon habambuhay, gaya noong hindi nagawang pumasok ni Moises sa magandang lupain ng Canaan at pinagsisihan niya ito habambuhay, at namatay nang may taos na pagsisisi. Kapag naihayag na ng Diyos ang Kanyang matuwid na disposisyon sa lahat ng bayan, mapupuspos ka ng pagsisisi. Kahit hindi ka kastiguhin ng Diyos, kakastiguhin mo ang iyong sarili dahil sa sarili mong taos na pagsisisi. Hindi kumbinsido rito ang ilan, ngunit kung hindi ka naniniwala rito, maghintay ka lang at makikita mo. May ilang tao na ang tanging layunin ay tuparin ang mga salitang ito. Handa ka bang isakripisyo ang sarili mo para sa mga salitang ito?
Kung hindi ka naghahanap ng mga pagkakataong maperpekto ng Diyos, at kung hindi ka nagpupunyaging makaungos sa grupo sa paghahangad mong maperpekto, sa bandang huli ay mapupuspos ka ng pagsisisi. Ngayon ang pinakamainam na pagkakataong maperpekto; ngayon ay napakagandang panahon. Kung hindi mo marubdob na hinahangad na maperpekto ng Diyos, kapag nagwakas na ang Kanyang gawain, magiging huli na ang lahat—nalagpasan ka na ng pagkakataon. Gaano man kadakila ang iyong mga hangarin, kung hindi na gumaganap ng gawain ang Diyos, anuman ang gawin mo, hindi ka na kailanman mapeperpekto. Kailangan mong samantalahin ang pagkakataong ito at makipagtulungan habang ginagawa ng Banal na Espiritu ang Kanyang dakilang gawain. Kung makalagpas sa iyo ang pagkakataong ito, hindi ka na mabibigyan ng isa pa, anuman ang gawin mo. Ang ilan sa inyo ay tumatawag, “Diyos ko, handa akong isaisip ang Iyong pasanin, at handa akong palugurin ang Iyong kalooban!” Gayunman, wala kang landas upang magsagawa, kaya hindi magtatagal ang iyong mga pasanin. Kung may isang landas sa iyong harapan, magkakaroon ka ng karanasan nang paisa-isang hakbang, at ang iyong karanasan ay magiging planado at maayos. Kapag natapos na ang isang pasanin, bibigyan ka ng isa pa. Habang lumalalim ang iyong karanasan sa buhay, mas lalalim din ang iyong mga pasanin. Ang ilang tao ay nagdadala lamang ng isang pasanin kapag inantig ng Banal na Espiritu; pagkaraan ng kaunting panahon, kapag wala na silang landas ng pagsasagawa, tumitigil silang magdala ng anumang mga pasanin. Hindi ka magkakaroon ng mga pasanin sa pagkain at pag-inom lamang ng mga salita ng Diyos. Sa pag-unawa sa maraming katotohanan, magkakaroon ka ng paghiwatig, matututo kang lumutas ng mga problema gamit ang katotohanan, at magkakaroon ka ng mas tumpak na pagkaunawa tungkol sa mga salita at kalooban ng Diyos. Sa pamamagitan ng mga bagay na ito, magkakaroon ka ng dadalhing mga pasanin, at saka mo lamang magagawang gampanan ang gawain nang wasto. Kung mayroon kang isang pasanin, ngunit wala kang malinaw na pagkaunawa sa katotohanan, hindi rin maaari iyan; kailangan mong maranasan mismo ang mga salita ng Diyos at malaman kung paano isagawa ang mga ito. Matapos kang makapasok sa realidad, saka ka lamang maaaring maglaan para sa iba, manguna sa iba, at maperpekto ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isaisip ang Kalooban ng Diyos para Makamit ang Pagiging Perpekto
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 543
Sa sandaling ito, ang gawain ng Diyos ay ang magawa ang lahat na makapasok sa tamang landas, magkaroon ng normal na espirituwal na buhay at tunay na mga karanasan, maantig ng Banal na Espiritu, at—sa pundasyong ito—tanggapin ang mga tagubilin ng Diyos. Ang layunin ng pagpasok sa pagsasanay ng kaharian ay para tulutan ang inyong bawat salita, gawa, galaw, iniisip at ideya na pumasok sa loob ng mga salita ng Diyos; para maantig kayo ng Diyos nang mas madalas at sa gayon ay magkaroon kayo ng pusong nagmamahal sa Kanya; at para ipadala sa inyo ang mas marami sa pasanin ng kalooban ng Diyos, para lahat ay nasa landas ng pagpeperpekto ng Diyos, para lahat ay nasa tamang landas. Sa sandaling ikaw ay nasa landas nang ito ng pagpeperpekto ng Diyos, ikaw ay nasa tamang landas. Sa sandaling ang iyong mga iniisip at ideya, gayundin ang iyong mga maling hangarin, ay maaari nang itama, at nagagawa mo nang ibaling ang pag-iisip mo mula sa tawag ng laman tungo sa kalooban ng Diyos, at sa sandaling nagagawa mo nang labanan ang paggambala ng mga maling hangarin kapag naiisip mo ang mga ito, sa halip ay kumikilos ka alinsunod sa kalooban ng Diyos—kung nagagawa mong magbago nang gayon, ikaw ay nasa tamang landas na ng karanasan sa buhay. Sa sandaling ang isinasagawa mong mga panalangin ay nasa tamang landas na, aantigin ka ng Banal na Espiritu sa iyong mga panalangin. Tuwing ikaw ay magdarasal, aantigin ka ng Banal na Espiritu; tuwing ikaw ay magdarasal, magagawa mong patahimikin ang puso mo sa harap ng Diyos. Tuwing ikaw ay kumakain at umiinom ng isang sipi ng mga salita ng Diyos, kung nagagawa mong maunawaan ang gawaing kasalukuyan Niyang isinasagawa at matututuhan kung paano manalangin, paano makipagtulungan, at paano makapasok, saka lamang magkakaroon ng mga bunga ang iyong pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos. Kapag nagawa mo, sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, na mahanap ang landas ng pagpasok at mahiwatigan ang kasalukuyang takbo ng gawain ng Diyos, gayundin ang direksyon ng gawain ng Banal na Espiritu, nakapasok ka na sa tamang landas. Kung hindi mo pa nauunawaan ang mga pangunahing punto habang kumakain at umiinom ka ng mga salita ng Diyos at, pagkatapos, hindi mo pa rin masumpungan ang landas tungo sa pagsasagawa, ipapakita niyan na hindi mo pa rin alam kung paano kumain at uminom ng mga salita ng Diyos nang wasto, at na hindi mo pa natutuklasan ang pamamaraan o prinsipyo para magawa ito. Kung hindi mo pa nauunawaan ang gawaing kasalukuyang isinasagawa ng Diyos, hindi mo magagawang tanggapin ang mga gawaing ipagkakatiwala Niya sa iyo. Ang gawaing ginagawa ng Diyos sa kasalukuyan ang kailangan mismong pasukin at maunawaan ng mga tao sa ngayon. Nauunawaan ba ninyo ang mga bagay na ito?
Kung kakainin at iinumin mo nang epektibo ang mga salita ng Diyos, magiging normal ang iyong espirituwal na buhay, at anumang mga pagsubok ang makaharap mo, anumang mga pangyayari ang makatagpo mo, anumang pisikal na karamdaman ang tiisin mo, anumang pagkawalay sa mga kapatid o mga paghihirap sa pamilya ang maranasan mo, nagagawa mong kumain at uminom ng mga salita ng Diyos nang normal, manalangin nang normal, at magpatuloy sa iyong buhay-iglesia nang normal; kung magagawa mo ang lahat ng ito, ipapakita nito na ikaw ay nasa tamang landas. Ang ilang tao ay masyadong marupok at walang tiyaga. Kapag naharap sa maliit na balakid, umuungot at nagiging negatibo sila. Ang paghahangad na matamo ang katotohanan ay nangangailangan ng tiyaga at determinasyon. Kung nabigo kang palugurin ang kalooban ng Diyos sa ngayon, kailangan mong magawang kamuhian ang iyong sarili at, sa iyong kaibuturan, tahimik na maging determinadong magtagumpay sa susunod. Kung, sa oras na ito, hindi mo isinaisip ang pasanin ng Diyos, dapat kang maging determinadong maghimagsik laban sa tawag ng laman kapag naharap ka sa balakid ding iyon sa hinaharap, at pagpasyahan mong palugurin ang kalooban ng Diyos. Ganito ang paraan para ikaw ay maging kapuri-puri. Ang ilang tao ay ni hindi alam kung ang kanilang sariling mga iniisip o ideya ay tama; ang mga taong iyon ay mga hangal! Kung nais mong supilin ang puso mo at maghimagsik laban sa tawag ng laman, kailangan mo munang malaman kung tama ang iyong mga hangarin; saka mo lamang masusupil ang puso mo. Kung hindi mo alam kung tama ang iyong mga hangarin, posible bang masupil mo ang puso mo at maghimagsik ka laban sa tawag ng laman? Kahit maghimagsik ka, gagawin mo ito sa isang nalilitong paraan. Dapat mong malaman kung paano maghimagsik laban sa iyong mga maling hangarin; ito ang ibig sabihin ng maghimagsik laban sa tawag ng laman. Sa sandaling kinikilala mo nang mali ang iyong mga hangarin, iniisip at ideya, dapat kang pumihit kaagad at tumahak sa tamang landas. Lutasin mo muna ang isyung ito, at sanayin ang sarili mo na makapasok sa bagay na ito, dahil ikaw ang higit na nakakaalam kung tama ang iyong mga hangarin o hindi. Sa sandaling naitama na ang iyong mga maling hangarin at naging para na sa kapakanan ng Diyos, nakamit mo na ang mithiing supilin ang puso mo.
Ang pinakamahalagang gawin ninyo ngayon ay ang magtamo ng kaalaman tungkol sa Diyos at sa Kanyang gawain. Kailangan mo ring malaman kung paano gumagawa ang Banal na Espiritu sa sangkatauhan; mahalaga ang mga pagkilos na ito para makapasok sa tamang landas. Magiging mas madali para sa iyo na gawin ito kapag nauunawaan mo na ang mahalagang puntong ito. Naniniwala ka sa Diyos at kilala mo ang Diyos, na nagpapakita na ang iyong paniniwala sa Diyos ay tunay. Kung patuloy kang magtatamo ng karanasan, subalit sa huli ay hindi mo pa rin nakikilala ang Diyos, tiyak na isa kang taong lumalaban sa Diyos. Yaong mga naniniwala lamang kay Jesucristo pero hindi naman naniniwala sa Diyos na nagkatawang-tao ngayon ay parurusahang lahat. Lahat sila ay mga Pariseo sa mga huling araw, sapagkat hindi nila kinikilala ang Diyos ng ngayon; at lahat sila ay kontra sa Diyos. Gaano man sila katapat sa kanilang pagsamba kay Jesus, lahat ng iyon ay mawawalan ng kabuluhan; hindi sila pupurihin ng Diyos. Lahat niyaong may hawak na karatula na nagsasabing naniniwala sila sa Diyos, subalit walang tunay na kaalaman tungkol sa Diyos sa kanilang puso, ay mga mapagkunwari!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isaisip ang Kalooban ng Diyos para Makamit ang Pagiging Perpekto
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 544
Upang hangaring maperpekto ng Diyos, kailangan munang maunawaan ng isang tao kung ano ang ibig sabihin ng maperpekto Niya, gayundin kung anong mga kundisyon ang kailangan niyang tugunan upang maperpekto. Kapag nauunawaan na niya ang gayong mga bagay, kailangan niyang maghanap ng isang landas ng pagsasagawa. Upang maperpekto, kailangan siyang magkaroon ng isang katangian. Maraming tao ang hindi likas na may sapat na katangian, sa ganoong kaso kailangan mong magbayad ng halaga at magsikap nang husto. Kapag mas masahol ang iyong katangian, mas kailangan mong magsikap nang husto. Kapag mas nauunawaan mo ang mga salita ng Diyos at mas isinasagawa mo ang mga iyon, mas mabilis kang makakatahak sa landas ng pagiging perpekto. Sa pamamagitan ng pagdarasal, maaari ka ring maperpekto patungkol sa pagdarasal; maaari ka ring maperpekto sa pamamagitan ng pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, pag-unawa sa diwa ng mga ito, at pagsasabuhay ng realidad ng mga ito. Sa pagdanas ng mga salita ng Diyos araw-araw, dapat mong malaman kung ano ang kulang sa iyo; bukod pa riyan, dapat mong makilala ang iyong depekto na ikapapamahak mo at ang iyong mga kahinaan, at manalangin at magsumamo sa Diyos. Sa paggawa nito, unti-unti kang mapeperpekto. Ang landas tungo sa pagiging perpekto ay: pagdarasal; pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos; pag-unawa sa diwa ng mga salita ng Diyos; pagpasok sa karanasan ng mga salita ng Diyos; pag-alam kung ano ang kulang sa iyo; pagpapasakop sa gawain ng Diyos; pagsasaisip sa pasanin ng Diyos at pagtalikod sa tawag ng laman sa pamamagitan ng iyong pagmamahal sa Diyos; at pagsali sa malimit na pakikibahagi sa iyong mga kapatid, na maaaring magpayaman sa iyong mga karanasan. Buhay mo man ito sa komunidad o iyong personal na buhay, at malalaking pulong man ito o maliliit, lahat ay maaaring magtulot sa iyo na magkaroon ng karanasan at tumanggap ng pagsasanay upang ang puso mo ay matahimik sa harap ng Diyos at makabalik sa Kanya. Lahat ng ito ay bahagi ng proseso ng pagpeperpekto. Ang pagdaranas ng mga salita ng Diyos, gaya ng binanggit kanina, ay nangangahulugan ng tunay na pagtikim sa mga ito at pagtutulot sa sarili mo na isabuhay ang mga ito, upang magkaroon ka ng mas matinding pananampalataya at pagmamahal sa Diyos. Sa ganitong paraan, unti-unti mong maiwawaksi ang iyong tiwali at napakasamang disposisyon; mapapalaya ang sarili mo sa di-wastong mga motibo; at maisasabuhay ang wangis ng isang normal na tao. Kapag mas matindi ang pagmamahal mo sa Diyos sa iyong kalooban—ibig sabihin, mas malaking bahagi mo ang naperpekto ng Diyos—mas hindi ka malulukuban ng katiwalian ni Satanas. Sa pamamagitan ng iyong mga praktikal na karanasan, unti-unti kang makakatahak sa landas ng pagiging perpekto. Sa gayon, kung nais mong maperpekto, napakahalagang isaisip ang kalooban ng Diyos at maranasan ang Kanyang mga salita.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isaisip ang Kalooban ng Diyos para Makamit ang Pagiging Perpekto
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 545
Nais ng Diyos ngayon na matamo ang isang grupo ng mga tao, isang grupong binubuo ng mga nagsisikap na makipagtulungan sa Kanya, na kayang sumunod sa Kanyang gawain, na naniniwala na ang mga salitang binibigkas ng Diyos ay totoo, at kayang isagawa ang mga kinakailangan ng Diyos; sila yaong may tunay na pag-unawa sa kanilang puso, sila yaong maaaring gawing perpekto, at walang alinlangang magagawa nilang tumahak sa landas ng pagkaperpekto. Yaong mga hindi magagawang perpekto ay mga taong walang malinaw na pagkaunawa sa gawain ng Diyos, na hindi umiinom at kumakain ng mga salita ng Diyos, na hindi pumapansin sa Kanyang mga salita, at walang anumang pagmamahal sa Diyos sa kanilang mga puso. Yaong mga nagdududa sa Diyos na nagkatawang-tao, laging nag-aalinlangan tungkol sa Kanya, hindi tinatrato nang seryoso ang Kanyang mga salita at lagi Siyang nililinlang ay mga taong lumalaban sa Diyos at nabibilang kay Satanas; walang paraan para gawing perpekto ang gayong mga tao.
Kung nais mong maperpekto, kailangan ka munang paboran ng Diyos, sapagkat pineperpekto Niya yaong mga pinapaboran Niya at kaayon ng Kanyang puso. Kung nais mong maging kaayon ng puso ng Diyos, kailangan mong magkaroon ng pusong sumusunod sa Kanyang gawain, kailangan mong sikaping hangarin ang katotohanan, at kailangan mong tanggapin ang masusing pagsusuri ng Diyos sa lahat ng bagay. Sumailalim na ba ang lahat ng ginagawa mo sa masusing pagsusuri ng Diyos? Tama ba ang iyong intensyon? Kung tama ang iyong intensyon, pupurihin ka ng Diyos; kung mali ang iyong intensyon, ipinapakita nito na ang minamahal ng puso mo ay hindi ang Diyos, kundi ang laman at si Satanas. Kung gayon, kailangan mong gamitin ang panalangin bilang isang paraan upang tanggapin ang masusing pagsusuri ng Diyos sa lahat ng bagay. Kapag nagdarasal ka, bagamat hindi Ako personal na nakatayo sa iyong harapan, sumasaiyo ang Banal na Espiritu, at nagdarasal ka kapwa sa Akin Mismo at sa Espiritu ng Diyos. Bakit ka naniniwala sa katawang-taong ito? Naniniwala ka dahil taglay Niya ang Espiritu ng Diyos. Maniniwala ka ba sa taong ito kung wala sa Kanya ang Espiritu ng Diyos? Kapag naniniwala ka sa taong ito, naniniwala ka sa Espiritu ng Diyos. Kapag natatakot ka sa taong ito, natatakot ka sa Espiritu ng Diyos. Ang pananampalataya sa Espiritu ng Diyos ay pananampalataya sa taong ito, at ang pananampalataya sa taong ito ay pananampalataya rin sa Espiritu ng Diyos. Kapag nagdarasal ka, nadarama mong sumasaiyo ang Espiritu ng Diyos at na ang Diyos ay nasa iyong harapan, at sa gayon ay nagdarasal ka sa Kanyang Espiritu. Sa panahong ito, karamihan sa mga tao ay masyadong takot na dalhin ang kanilang mga kilos sa harap ng Diyos; bagamat maaari mong linlangin ang Kanyang katawang-tao, hindi mo malilinlang ang Kanyang Espiritu. Anumang bagay na hindi makayanan ang masusing pagsusuri ng Diyos ay hindi nakaayon sa katotohanan, at nararapat na isantabi; kung hindi ay nagkakasala ka sa Diyos. Kaya, kailangan mong ilatag ang iyong puso sa harap ng Diyos sa lahat ng oras, kapag nagdarasal ka, kapag nagsasalita at nagbabahagi ka sa iyong mga kapatid, at kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin at ginagawa ang iyong gawain. Kapag ginampanan mo ang iyong tungkulin, sumasaiyo ang Diyos, at hangga’t tama ang iyong intensyon at iyon ay para sa gawain ng sambahayan ng Diyos, tatanggapin Niya ang lahat ng ginagawa mo; dapat mong buong taimtim na ialay ang iyong sarili sa pagganap sa iyong tungkulin. Kapag nagdarasal ka, kung may pagmamahal ka sa Diyos sa iyong puso at hangad mo ang malasakit, pangangalaga at masusing pagsusuri ng Diyos, kung ang mga bagay na ito ang iyong hangarin, magiging epektibo ang iyong mga dalangin. Halimbawa, kapag nagdarasal ka sa mga pulong, kung bubuksan mo ang iyong puso at magdarasal ka sa Diyos at sasabihin mo sa Kanya kung ano ang nasa puso mo nang hindi ka nagsisinungaling, siguradong magiging epektibo ang iyong mga dalangin. Kung taos mong minamahal ang Diyos sa puso mo, manumpa ka sa Diyos: “Diyos ko, na nasa kalangitan at sa lupa at sa lahat ng bagay, isinusumpa ko sa Iyo: Nawa’y suriin ng Iyong Espiritu ang lahat ng ginagawa ko at protektahan at pangalagaan ako sa lahat ng oras, at gawing posible na lahat ng ginagawa ko ay tumayo sa Iyong presensya. Kung sakaling tumigil ang puso ko sa pagmamahal sa Iyo o pagtaksilan Ka nito, kastiguhin at isumpa Mo ako nang matindi. Huwag Mo akong patawarin sa mundong ito o kahit sa susunod!” Nangangahas ka bang manumpa nang gayon? Kung hindi, ipinapakita nito na ikaw ay kimi, at na mahal mo pa rin ang iyong sarili. May ganito ba kayong pagpapasya? Kung ito talaga ang inyong pagpapasya, dapat ninyong gawin ang panunumpang ito. Kung may pagpapasya kang gawin ang gayong panunumpa, tutuparin ng Diyos ang iyong pagpapasya. Kapag nanunumpa ka sa Diyos, nakikinig Siya. Tinutukoy ng Diyos kung ikaw ay makasalanan o matuwid sa pamamagitan ng iyong panalangin at iyong pagsasagawa. Ito ngayon ang proseso ng pagperpekto sa inyo, at kung talagang may pananalig ka na magagawang perpekto, dadalhin mo ang lahat ng iyong ginagawa sa harap ng Diyos at tatanggapin ang Kanyang masusing pagsusuri; kung gagawa ka ng isang bagay na labis na mapanghimagsik o kung pagtataksilan mo ang Diyos, gagawin Niyang magkatotoo ang iyong panunumpa, at sa gayon anuman ang mangyari sa iyo, mapahamak ka man o makastigo, kagagawan mo mismo ito. Ikaw ang nanumpa, kaya dapat mong tuparin ito. Kung ikaw ay nanumpa, ngunit hindi mo ito tinupad, mapapahamak ka. Yamang ikaw ang nanumpa, tutuparin ng Diyos ang iyong panunumpa. Natatakot ang ilan pagkatapos nilang manalangin, at dumaraing, “Tapos na ang lahat! Wala na ang pagkakataon ko sa kahalayan; wala na ang pagkakataon kong gumawa ng masasamang bagay; wala na ang pagkakataon kong magpakalulong sa aking mga makamundong pagnanasa!” Gustung-gusto pa rin ng mga taong ito na maging makamundo at magkasala, at tiyak na mapapahamak ang kanilang kaluluwa.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pineperpekto ng Diyos Yaong mga Kaayon ng Kanyang Puso
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 546
Ang maging mananampalataya sa Diyos ay nangangahulugan na lahat ng ginagawa mo ay kailangang dalhin sa Kanyang harapan at sumailalim sa Kanyang masusing pagsusuri. Kung maihaharap ang iyong ginagawa sa Espiritu ng Diyos ngunit hindi sa katawang-tao ng Diyos, nagpapakita ito na hindi ka pa masusing nasusuri ng Kanyang Espiritu. Sino ang Espiritu ng Diyos? Sino ang taong pinatototohanan ng Diyos? Hindi ba Sila iisa at pareho? Ang tingin sa Kanila ng karamihan ay dalawang magkahiwalay na nilalang, naniniwalang ang Espiritu ng Diyos ay Espiritu ng Diyos, at ang taong pinatototohanan ng Diyos ay isang tao lamang. Ngunit hindi ka ba nagkakamali? Sa kaninong pangalan gumagawa ang taong ito? Yaong mga hindi nakakakilala sa Diyos na nagkatawang-tao ay walang espirituwal na pang-unawa. Ang Espiritu ng Diyos at ang Kanyang nagkatawang-taong laman ay iisa, dahil ang Espiritu ng Diyos ay nananahan sa katawang-tao. Kung ang taong ito ay hindi mabait sa iyo, magiging mabait ba ang Espiritu ng Diyos? Hindi ka ba nalilito? Ngayon, lahat ng hindi matanggap ang masusing pagsusuri ng Diyos ay hindi matatanggap ang Kanyang pagsang-ayon, at yaong mga hindi nakakakilala sa Diyos na nagkatawang-tao ay hindi maaaring maperpekto. Tingnan mo ang lahat ng ginagawa mo, at tingnan mo kung maaari ba itong dalhin sa harap ng Diyos. Kung hindi mo madadala ang lahat ng iyong ginagawa sa harap ng Diyos, ipinapakita nito na masamang tao ka. Mapeperpekto ba ang masasamang tao? Lahat ng iyong ginagawa, bawat kilos, bawat layunin, at bawat tugon ay dapat dalhin sa harap ng Diyos. Kahit ang iyong pang-araw-araw na espirituwal na buhay—ang iyong mga dalangin, ang iyong pagiging malapit sa Diyos, kung paano ka kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, ang pakikipagbahaginan mo sa iyong mga kapatid, at ang buhay mo sa loob ng iglesia—at ang iyong paglilingkod na bilang magkatuwang ay maaaring dalhin sa harap ng Diyos para sa Kanyang masusing pagsusuri. Ang gayong pagsasagawa ang tutulong sa iyo na lumago sa buhay. Ang proseso ng pagtanggap sa masusing pagsusuri ng Diyos ang proseso ng pagdadalisay. Kapag mas matatanggap mo ang masusing pagsusuri ng Diyos, mas napapadalisay at mas umaayon ka sa kalooban ng Diyos, kaya hindi ka maaakit sa kahalayan, at mabubuhay ang puso mo sa Kanyang presensya. Kapag mas tinatanggap mo ang Kanyang masusing pagsusuri, mas napapahiya si Satanas at mas tumataas ang kakayahan mong talikdan ang laman. Kaya, ang pagtanggap sa masusing pagsusuri ng Diyos ay isang landas ng pagsasagawa na dapat sundan ng mga tao. Anuman ang ginagawa mo, kahit kapag nakikipagniig ka sa iyong mga kapatid, maaari mong dalhin ang iyong mga kilos sa harap ng Diyos at hangarin ang Kanyang masusing pagsusuri at hangaring sundin ang Diyos Mismo; gagawin nitong mas tama ang iyong pagsasagawa. Kung dadalhin mo ang lahat ng iyong ginagawa sa harap ng Diyos at tatanggapin ang masusing pagsusuri ng Diyos, saka ka lamang magiging isang tao na nabubuhay sa presensya ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pineperpekto ng Diyos Yaong mga Kaayon ng Kanyang Puso
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 547
Yaong mga walang pagkaunawa tungkol sa Diyos ay hindi kailanman lubos na masusunod ang Diyos. Ang mga taong kagaya nito ay mga anak na suwail. Masyado silang ambisyoso, at masyadong mapanghimagsik, kaya inilalayo nila ang kanilang sarili mula sa Diyos at ayaw nilang tanggapin ang Kanyang masusing pagsusuri. Ang mga taong kagaya nito ay hindi madaling maperpekto. Mapili ang ilang tao kung paano nila kakainin at iinumin ang mga salita ng Diyos at sa pagtanggap nila sa mga ito. Tinatanggap nila ang ilang bahagi ng mga salita ng Diyos na umaayon sa kanilang mga kuru-kuro samantalang inaayawan yaong mga hindi. Hindi ba ito tahasang paghihimagsik at paglaban sa Diyos? Kung maraming taon nang nananalig ang isang tao sa Diyos nang hindi nagtatamo ng kahit kaunting pagkaunawa tungkol sa Kanya, sila ay di-mananampalataya. Yaong mga handang tanggapin ang masusing pagsusuri ng Diyos ay yaong mga naghahangad na maunawaan Siya, na handang tanggapin ang Kanyang mga salita. Sila ang mga tatanggap ng mana at mga pagpapala ng Diyos, at sila ang pinakapinagpala. Isinusumpa ng Diyos yaong mga walang-puwang para sa Kanya sa kanilang puso, at kinakastigo at tinatalikdan Niya ang gayong mga tao. Kung hindi mo mahal ang Diyos, tatalikdan ka Niya, at kung hindi ka makikinig sa sinasabi Ko, ipinapangako Ko na tatalikdan ka ng Espiritu ng Diyos. Subukan mo ito kung hindi ka naniniwala! Sa araw na ito nililinaw Ko sa iyo ang isang landas sa pagsasagawa, ngunit nasa sa iyo kung isasagawa mo ito. Kung hindi ka naniniwala rito, kung hindi mo ito isasagawa, makikita mo mismo kung gumagawa sa iyo ang Banal na Espiritu o hindi! Kung hindi mo hahangaring maunawaan ang Diyos, hindi gagawa sa iyo ang Banal na Espiritu. Gumagawa ang Diyos sa yaong mga naghahangad at nagpapahalaga sa Kanyang mga salita. Kapag mas pinahahalagahan mo ang mga salita ng Diyos, mas gagawa sa iyo ang Kanyang Espiritu. Kapag mas pinahahalagahan ng isang tao ang mga salita ng Diyos, mas malaki ang pag-asa niyang maperpekto ng Diyos. Pineperpekto ng Diyos yaong mga tunay na nagmamahal sa Kanya, at pineperpekto Niya yaong mga may puso na payapa sa Kanyang harapan. Ang pahalagahan ang lahat ng gawain ng Diyos, ang pahalagahan ang kaliwanagan ng Diyos, ang pahalagahan ang presensya ng Diyos, ang pahalagahan ang malasakit at pangangalaga ng Diyos, ang pahalagahan kung paano nagiging realidad mo ang mga salita ng Diyos at natutustusan ang iyong buhay—lahat ng ito ay pinakamainam na naaayon sa puso ng Diyos. Kung pinahahalagahan mo ang gawain ng Diyos, ibig sabihin, kung pinahahalagahan mo ang lahat ng gawaing ginawa ng Diyos sa iyo, pagpapalain ka Niya at pararamihin ang lahat ng sa iyo. Kung hindi mo pahahalagahan ang mga salita ng Diyos, hindi Siya gagawa sa iyo, kundi pagkakalooban ka lamang Niya ng katiting na biyaya para sa iyong pananampalataya, o pagpapalain ka ng kaunting kayamanan at ng kaunting kaligtasan ang iyong pamilya. Dapat mong sikaping gawing iyong realidad ang mga salita ng Diyos, at mapalugod Siya at maging kaayon ng Kanyang puso; hindi ka lamang dapat magsikap na tamasahin ang Kanyang biyaya. Wala nang iba pang mas mahalaga para sa mga mananampalataya kaysa matanggap ang gawain ng Diyos, matamo ang pagkaperpekto, at maging mga taong sumusunod sa kalooban ng Diyos. Ito ang mithiing dapat mong hangarin.
Lahat ng hinangad ng tao sa Kapanahunan ng Biyaya ay lipas na, dahil mayroon na ngayong mas mataas na pamantayan ng paghahangad; ang hinahangad ay kapwa mas matayog at mas praktikal, ang hinahangad ay mas magpapalugod sa kinakailangan ng kalooban ng tao. Sa lumipas na mga kapanahunan, hindi gumawa ang Diyos sa mga tao na kagaya ngayon; hindi Siya nangusap sa kanila na katulad ng ginagawa Niya ngayon, ni hindi kasintayog ngayon ang Kanyang mga kinakailangan sa kanila noon. Na nangungusap ang Diyos sa inyo tungkol sa mga bagay na ito ngayon ay nagpapakita na ang talagang layon ng Diyos ay nakatuon sa inyo, sa grupong ito ng mga tao. Kung talagang nais mong maperpekto ng Diyos, hangarin mo ito bilang iyong sentrong mithiin. Nagpapagal ka man, gumugugol ng iyong sarili, naglilingkod sa isang tungkulin, o kung natanggap mo na ang atas ng Diyos, ang layunin ay palaging ang maperpekto at mapalugod ang kalooban ng Diyos, ang makamtan ang mga mithiing ito. Kung sinasabi ng isang tao na hindi niya hinahangad na maperpekto ng Diyos o makapasok sa buhay, kundi hinahangad lamang niya ang kapayapaan at kasiyahan ng laman, siya ang pinakabulag sa lahat ng tao. Yaong mga hindi nagtataguyod sa realidad ng buhay, kundi naghahangad lamang ng buhay na walang hanggan sa mundong darating at kaligtasan sa mundong ito, ang pinakabulag sa lahat ng tao. Kaya, lahat ng ginagawa mo ay dapat gawin para sa layuning maperpekto at matamo ng Diyos.
Ang gawaing ginagawa ng Diyos sa mga tao ay upang maglaan para sa kanila batay sa kanilang magkakaibang mga kinakailangan. Kapag mas malaki ang buhay ng isang tao, mas malaki ang kanyang pangangailangan at mas naghahangad siya. Kung sa yugtong ito ay wala kang hinahangad, pinatutunayan nito na tinalikdan ka na ng Banal na Espiritu. Lahat ng naghahangad ng buhay ay hindi kailanman tatalikdan ng Banal na Espiritu; ang gayong mga tao ay palaging naghahangad, at palaging may pinananabikan sa kanilang puso. Ang gayong mga tao ay hindi kuntento kailanman sa lagay ng mga bagay-bagay sa kasalukuyan. Bawat yugto ng gawain ng Banal na Espiritu ay naglalayon na magkamit ng epekto sa iyo, ngunit kung magiging kampante ka, kung wala ka nang mga pangangailangan, kung hindi mo na tinatanggap ang gawain ng Banal na Espiritu, tatalikdan ka Niya. Kinakailangan ng mga tao ang masusing pagsusuri ng Diyos araw-araw; kinakailangan nila ang saganang panustos mula sa Diyos araw-araw. Makakaraos ba ang tao nang hindi kumakain at umiinom ng salita ng Diyos araw-araw? Kung palaging nadarama ng isang tao na hindi sapat ang nakakain at naiinom niyang salita ng Diyos, kung palagi niya itong hinahangad at nagugutom at nauuhaw para rito, palaging gagawa sa kanya ang Banal na Espiritu. Kapag mas nananabik ang isang tao, mas maraming praktikal na bagay ang maaaring lumabas sa kanyang pagbabahagi. Kapag mas matindi ang paghahangad ng isang tao sa katotohanan, mas mabilis na lalago ang kanyang buhay, yayaman ang kanyang karanasan at magiging mayamang mamamayan sa sambahayan ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pineperpekto ng Diyos Yaong mga Kaayon ng Kanyang Puso
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 548
Ang Banal na Espiritu ay may isang landas na tatahakin sa bawat tao, at binibigyan ang bawat tao ng pagkakataon na maperpekto. Sa iyong pagiging negatibo naipapaalam sa iyo ang sarili mong katiwalian, at sa pag-aalis ng pagiging negatibo ay makasusumpong ka ng landas ng pagsasagawa; lahat ito ay paraan kung saan ginagawa kang perpekto. Bukod diyan, sa patuloy na paggabay at pagpapalinaw ng ilang positibong bagay sa iyong kalooban, aktibo mong gagampanan ang iyong tungkulin, lalago sa kabatiran at makakahiwatig. Kapag maganda ang iyong mga kalagayan, mas handa kang basahin ang salita ng Diyos, at mas handa kang manalangin sa Diyos, at maiuugnay mo ang mga sermon na iyong naririnig sa iyong sariling sitwasyon. Sa gayong mga pagkakataon nililiwanagan at tinatanglawan ng Diyos ang iyong kalooban, kaya natatanto mo ang ilang positibong aspeto. Ganito ka pineperpekto sa positibong aspeto. Sa mga negatibong kalagayan, ikaw ay mahina at pasibo; pakiramdam mo ay wala ang Diyos sa puso mo, subalit pinaliliwanagan ka ng Diyos, tinutulungan kang makahanap ng isang landas ng pagsasagawa. Lalabas dito ang pagtatamo ng pagkaperpekto sa negatibong aspeto. Mapeperpekto ng Diyos ang tao kapwa sa positibo at negatibong mga aspeto. Nakasalalay ito sa kung nagagawa mong makaranas, at kung hinahangad mong maperpekto ng Diyos. Kung tunay mong hinahangad na maperpekto ng Diyos, ang negatibo ay hindi ka magagawang dumanas ng kawalan, kundi maaaring maghatid sa iyo ng mga bagay na mas totoo, at magagawa kang mas malaman yaong kakulangan sa loob mo, mas mauunawaan ang iyong tunay na kalagayan, at makikita na walang kahit ano ang tao, at balewala siya; kung hindi ka makararanas ng mga pagsubok, hindi mo malalaman, at palagi mong madarama na nakahihigit ka sa iba at mas mahusay ka kaysa sa lahat ng iba pa. Sa lahat ng ito makikita mo na lahat ng dumating noon ay ginawa ng Diyos at protektado ng Diyos. Ang pagpasok sa mga pagsubok ay iniiwan kang walang pagmamahal o pananampalataya, kulang ka sa panalangin at hindi mo nagagawang umawit ng mga himno, at hindi mo namamalayan, sa gitna nito ay nakikilala mo ang iyong sarili. Maraming paraan ang Diyos para maperpekto ang tao. Ginagamit Niya ang lahat ng uri ng sitwasyon para iwasto ang tiwaling disposisyon ng tao, at gumagamit ng iba’t ibang bagay upang ilantad ang tao; sa isang bagay, iwinawasto Niya ang tao, sa isa pa ay inilalantad Niya ang tao, at sa isa pa ay ibinubunyag Niya ang tao, hinuhukay at ibinubunyag ang “mga hiwaga” sa kaibuturan ng puso ng tao, at ipinakikita sa tao ang kanyang kalikasan sa pamamagitan ng paghahayag sa marami sa kanyang mga kalagayan. Pineperpekto ng Diyos ang tao sa pamamagitan ng maraming pamamaraan—sa pamamagitan ng paghahayag, pagwawasto, pagpipino, at pagkastigo sa tao—para malaman ng tao na ang Diyos ay praktikal.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaon Lamang mga Nakatuon sa Pagsasagawa ang Mapeperpekto
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 549
Ano ang hinahangad ninyo ngayon? Ang maperpekto ng Diyos, makilala ang Diyos, makamit ang Diyos—o marahil ay hangad ninyong iakto ang inyong sarili sa pag-uugali ng isang Pedro ng dekada 90, o magkaroon ng pananampalatayang higit pa kaysa kay Job, o siguro’y hangad ninyong matawag ng Diyos na matuwid at makarating sa harap ng luklukan ng Diyos, o maipamalas ang Diyos sa lupa at malakas at matunog na magpatotoo para sa Diyos. Anuman ang inyong hinahangad, sa lahat ng ito, naghahangad kayo para mailigtas ng Diyos. Naghahangad ka man na maging isang taong matuwid, o hinahangad ang pag-uugali ni Pedro, o ang pananampalataya ni Job, o na maperpekto ng Diyos, lahat ay gawaing ginagawa ng Diyos sa tao. Sa madaling salita, anuman ang iyong hinahangad, ito ay lahat para maperpekto ng Diyos, lahat para maranasan ang salita ng Diyos, para bigyang-kasiyahan ang puso ng Diyos; anuman ang iyong hinahangad, ito ay lahat para matuklasan ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos, para mahanap ang isang landas ng pagsasagawa sa tunay na karanasan na may layon na maiwaksi ang iyong sariling mapanghimagsik na disposisyon, matamo ang isang normal na kalagayan sa iyong kalooban, lubos na makaayon sa kalooban ng Diyos, maging isang tamang tao, at magkaroon ng tamang motibo sa lahat ng iyong ginagawa. Kaya mo dinaranas ang lahat ng ito ay upang makilala mo ang Diyos at lumago ang iyong buhay. Bagama’t ang nararanasan mo ay salita ng Diyos at totoong mga pangyayari, gayundin ang mga tao, mga usapin, at mga bagay sa iyong mga kapaligiran, sa huli ay nakikilala mo ang Diyos at napeperpekto ka ng Diyos. Upang hangaring tahakin ang landas ng isang taong matuwid o hangaring isagawa ang salita ng Diyos: ang mga ito ang daanan, samantalang ang makilala ang Diyos at maperpekto ng Diyos ang hantungan. Hinahangad mo man ngayong maperpekto ng Diyos, o magpatotoo para sa Diyos, lahat ng ito sa bandang huli ay para makilala ang Diyos; ito ay para hindi mawalan ng kabuluhan ang gawaing Kanyang ginagawa sa iyo, upang sa huli ay malaman mo ang realidad ng Diyos, malaman ang Kanyang kadakilaan, at higit pa roon ay malaman ang kababaang-loob at pagiging tago ng Diyos, at malaman ang malaking gawaing ginagawa ng Diyos sa iyo. Nagpakumbaba na ang Diyos Mismo sa antas na ginagawa Niya ang Kanyang gawain sa marurumi at tiwaling mga taong ito, at pineperpekto ang grupong ito ng mga tao. Hindi lamang naging tao ang Diyos upang mamuhay at kumain sa gitna ng mga tao, gabayan ang mga tao, at tustusan ang pangangailangan ng mga tao. Ang higit na mahalaga ay ginagawa Niya ang Kanyang dakilang gawaing iligtas at lupigin ang mga taong ito na lubhang tiwali. Dumating Siya sa puso ng malaking pulang dragon upang iligtas ang pinakatiwaling mga taong ito, para lahat ng tao ay mabago at magawang bago. Ang napakalaking hirap na tinitiis ng Diyos ay hindi lamang ang hirap na tinitiis ng Diyos na nagkatawang-tao, kundi higit sa lahat ay dumaranas ng malaking kahihiyan ang Espiritu ng Diyos—Siya ay nagpapakumbaba at itinatago nang husto ang Kanyang Sarili kaya Siya nagiging isang karaniwang tao. Ang Diyos ay nagkatawang-tao at nag-anyong tao upang makita ng mga tao na mayroon Siyang isang normal na buhay ng tao at normal na mga pangangailangan ng tao. Sapat na ito upang patunayan na nagpakumbaba ang Diyos Mismo nang labis. Ang Espiritu ng Diyos ay nananahan sa katawang-tao. Ang Kanyang Espiritu ay napakataas at dakila, subalit nag-aanyo Siyang isang karaniwang tao, isang balewalang tao, upang gawin ang gawain ng Kanyang Espiritu. Ang kakayahan, kabatiran, diwa, pagkatao, at buhay ng bawat isa sa inyo ay nagpapakita na hindi talaga kayo karapat-dapat na tumanggap ng ganitong uri ng gawain ng Diyos. Hindi talaga kayo karapat-dapat na hayaang magtiis ang Diyos ng gayong hirap para sa inyong kapakanan. Ang Diyos ay napakadakila. Siya ay lubhang kataas-taasan, at ang mga tao ay napakaaba, ngunit gumagawa pa rin Siya sa kanila. Hindi lamang Siya nagkatawang-tao upang magtustos para sa mga tao, upang magsalita sa mga tao, kundi namumuhay pa Siyang kasama ng mga tao. Masyadong mapagkumbaba ang Diyos, masyadong kaibig-ibig. Kung ikaw, sa sandaling mabanggit ang pag-ibig ng Diyos, sa sandaling mabanggit ang biyaya ng Diyos, ay lumuluha habang bumibigkas ng malaking papuri, kung makarating ka sa kalagayang ito, mayroon kang tunay na kaalaman tungkol sa Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaon Lamang mga Nakatuon sa Pagsasagawa ang Mapeperpekto
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 550
May paglihis sa paghahangad ng mga tao sa ngayon; hinahangad lamang nilang mahalin at bigyang-kasiyahan ang Diyos, ngunit wala silang anumang kaalaman tungkol sa Diyos, at napabayaan na ang kaliwanagan at pagpapalinaw ng Banal na Espiritu sa kanilang kalooban. Wala sa kanila ang pundasyon ng tunay na kaalaman tungkol sa Diyos. Sa ganitong paraan, nawawalan sila ng gana habang nagpapatuloy ang kanilang karanasan. Lahat ng naghahangad na magkaroon ng tunay na kaalaman tungkol sa Diyos, bagama’t hindi maganda ang kalagayan nila noong nakaraan, at nahilig silang maging negatibo at mahina, at madalas lumuha, nanghina ang loob, at nawalan ng pag-asa—ngayon, habang nagtatamo sila ng iba pang karanasan, gumaganda ang kanilang mga kalagayan. Pagkatapos maranasang maiwasto at basagin, at matapos dumaan sa isang kabanata ng pagsubok at pagpipino, malaki ang naging pag-unlad nila. Nabawasan ang pagiging negatibo, at nagkaroon ng kaunting pagbabago sa kanilang disposisyon sa buhay. Habang sumasailalim sa iba pang mga pagsubok, unti-unting napapamahal sa puso nila ang Diyos. Mayroong isang patakaran sa pagperpekto ng Diyos sa mga tao, na kung saan nililiwanagan ka Niya sa pamamagitan ng paggamit ng isang kaibig-ibig na bahagi mo upang magkaroon ka ng landas ng pagsasagawa at maihiwalay mo ang sarili mo mula sa lahat ng negatibong kalagayan, na tumutulong mapalaya ang iyong espiritu, at ginagawa kang mas kayang mahalin Siya. Sa ganitong paraan, nagagawa mong iwaksi ang tiwaling disposisyon ni Satanas. Hindi ka maarte at bukas ka, handang kilalanin ang sarili mo at isagawa ang katotohanan. Tiyak na pagpapalain ka ng Diyos, kaya kapag ikaw ay mahina at negatibo, nililiwanagan ka Niya nang doble, tinutulungan kang mas makilala ang sarili mo, maging mas handang magsisi para sa sarili mo, at mas maisagawa ang mga bagay na dapat mong isagawa. Sa ganitong paraan lamang magiging payapa at maginhawa ang iyong puso. Ang isang taong karaniwang nakatuon sa pagkilala sa Diyos, na nakatuon sa pagkilala sa kanyang sarili, na nakatuon sa kanyang sariling pagsasagawa, ay madalas na makatatanggap ng gawain ng Diyos, maging ng Kanyang patnubay at kaliwanagan. Kahit negatibo ang kalagayan ng taong iyon, nagagawa niyang baguhin kaagad ang mga bagay-bagay, tulak man iyon ng budhi o ng kaliwanagan mula sa salita ng Diyos. Ang pagbabago sa disposisyon ng isang tao ay palaging natatamo kapag nalalaman niya ang kanyang sariling tunay na kalagayan at ang disposisyon at gawain ng Diyos. Ang isang taong handang kilalanin ang kanyang sarili at maging bukas ay makakayang isagawa ang katotohanan. Ang ganitong klaseng tao ay isang taong matapat sa Diyos, at ang isang taong matapat sa Diyos ay may pagkaunawa tungkol sa Diyos, malalim man o mababaw ang pagkaunawang ito, kakaunti o sagana. Ito ang katuwiran ng Diyos, at isang bagay ito na natatamo ng mga tao; sarili nilang pakinabang ito. Ang isang taong may kaalaman tungkol sa Diyos ay isa na may batayan, may pananaw. Ang ganitong klaseng tao ay nakatitiyak tungkol sa katawang-tao ng Diyos, at nakatitiyak tungkol sa salita at gawain ng Diyos. Paano man gumagawa o nagsasalita ang Diyos, o paano man nagsasanhi ng kaguluhan ang ibang mga tao, kaya niyang manindigan, at tumayong patotoo para sa Diyos. Kapag lalong ganito ang isang tao, lalo niyang maisasagawa ang katotohanang kanyang nauunawaan. Dahil lagi niyang isinasagawa ang salita ng Diyos, lalo siyang nagtatamo ng kauunawaan sa Diyos, at matatag ang kanyang pasya na tumayong patotoo para sa Diyos magpakailanman.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaon Lamang mga Nakatuon sa Pagsasagawa ang Mapeperpekto
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 551
Ang makahiwatig, makapagpasakop, at magkaroon ng kakayahang maunawaan ang mga bagay-bagay upang ikaw ay maging masigasig sa espiritu ay nangangahulugan na nililiwanagan at tinatanglawan ng mga salita ng Diyos ang iyong kalooban sa sandaling may maranasan kang isang bagay. Ito ay pagiging masigasig sa espirituwal. Lahat ng ginagawa ng Diyos ay para makatulong na muling buhayin ang espiritu ng mga tao. Bakit laging sinasabi ng Diyos na ang mga tao ay manhid at mapurol ang utak? Dahil ang espiritu ng mga tao ay namatay na, at naging napakamanhid na nila kaya ganap silang walang malay sa mga bagay na espirituwal. Ang gawain ng Diyos ay para paunlarin ang buhay ng mga tao at tumulong na buhayin ang espiritu ng mga tao, para maunawaan nila ang mga bagay na espirituwal, at lagi nilang magawang mahalin ang Diyos sa kanilang puso at bigyang-kasiyahan ang Diyos. Ang pagdating sa yugtong ito ay nagpapakita na ang espiritu ng isang tao ay binuhay nang muli, at sa susunod na may maranasan siyang isang bagay, makakaya niyang tumugon kaagad. Tumutugon siya sa mga sermon, at mabilis na tumutugon sa mga sitwasyon. Ito ang kahulugan ng pagtatamo ng masigasig na espiritu. Maraming taong mabilis tumugon sa nangyayari sa labas, ngunit kapag nabanggit na ang pagpasok sa realidad o mga detalyadong bagay na espirituwal, sila ay nagiging manhid at mapurol ang utak. Nauuunawaan lamang nila ang isang bagay kung nakatitig sila rito nang deretsahan. Lahat ng ito ay mga tanda ng pagiging espirituwal na manhid at mapurol ang utak, ng pagkakaroon ng kakaunting karanasan sa mga bagay na espirituwal. Ang ilang tao ay masigasig sa espirituwal at nakakahiwatig. Sa sandaling marinig nila ang mga salitang tumutukoy sa kanilang mga kalagayan, hindi sila nag-aaksaya ng oras sa pagtatala ng mga ito. Kapag narinig nila ang mga salita tungkol sa mga prinsipyo ng pagsasagawa, nagagawa nilang tanggapin at iangkop ang mga iyon sa susunod nilang karanasan, sa gayo’y binabago nila ang kanilang sarili. Ito ay isang taong masigasig sa espirituwal. Bakit nagagawa nilang tumugon nang napakabilis? Dahil nakatuon sila sa mga bagay na ito sa pang-araw-araw na buhay. Kapag nagbabasa sila ng mga salita ng Diyos, nagagawa nilang tingnan ang sarili nilang kalagayan kumpara sa mga ito at magmuni-muni sa kanilang sarili. Kapag naririnig nila ang pagbabahagi at mga sermon at ang mga salitang naghahatid sa kanila ng kaliwanagan at katanglawan, nagagawa nilang tanggapin kaagad ang mga ito. Katulad ito ng pagbibigay ng pagkain sa isang taong gutom; nagagawa nilang kumain kaagad. Kung magbibigay ka ng pagkain sa isang taong hindi gutom, hindi sila ganoon kabilis tumugon. Madalas kang nagdarasal sa Diyos, at pagkatapos ay nagagawa mong tumugon kaagad kapag nakaranas ka ng isang bagay: kung ano ang ipinagagawa ng Diyos sa bagay na ito, at kung paano ka dapat kumilos. Ginabayan ka ng Diyos sa bagay na ito noong huli; kapag naranasan mo ulit ang ganitong klaseng bagay ngayon, natural lang na malalaman mo kung paano magsagawa sa paraang nakasisiya sa puso ng Diyos. Kung lagi kang magsasagawa sa ganitong paraan at lagi kang makakaranas sa ganitong paraan, darating ang oras na magiging madali na ito sa iyo. Kapag nagbabasa ka ng salita ng Diyos, alam mo kung anong uri ng tao ang tinutukoy ng Diyos, alam mo kung anong uri ng mga kundisyon ng espiritu ang Kanyang sinasabi, at nagagawa mong maunawaan ang mahalagang punto at isagawa ito; ipinakikita nito na nagagawa mong makaranas. Bakit nagkukulang ang ilang tao sa bagay na ito? Dahil hindi sila gaanong nagsisikap sa aspeto ng pagsasagawa. Bagama’t handa silang isagawa ang katotohanan, wala silang tunay na kabatiran sa mga detalye ng paglilingkod, sa mga detalye ng katotohanan sa kanilang buhay. Nalilito sila kapag may nangyayari. Sa ganitong paraan, maaari kang mailigaw kapag dumating ang isang bulaang propeta o isang bulaang apostol. Kailangan mong dalasan ang pagbabahaginan tungkol sa mga salita at gawain ng Diyos—sa ganitong paraan mo lamang magagawang unawain ang katotohanan at makahiwatig. Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, hindi ka makakahiwatig. Halimbawa, kung ano ang sinasabi ng Diyos, kung paano gumagawa ang Diyos, kung ano ang Kanyang mga hinihingi sa mga tao, kung anong uri ng mga tao ang dapat mong makasalamuha, at kung anong uri ng mga tao ang dapat mong layuan—kailangan mong dalasan ang pagbabahaginan tungkol sa mga bagay na ito. Kung lagi mong nararanasan ang salita ng Diyos sa ganitong paraan, mauunawaan mo ang katotohanan at lubos mong mauunawaan ang maraming bagay, at magkakaroon ka rin ng pagkahiwatig. Ano ang pagdidisiplina ng Banal na Espiritu, ano ang paninising nagmumula sa kalooban ng tao, ano ang patnubay mula sa Banal na Espiritu, ano ang pagsasaayos ng isang kapaligiran, ano ang nililiwanagan ng mga salita ng Diyos sa kalooban? Kung hindi malinaw sa iyo ang mga bagay na ito, hindi ka makakahiwatig. Dapat mong malaman kung ano ang nagmumula sa Banal na Espiritu, ano ang mapanghimagsik na disposisyon, paano sundin ang salita ng Diyos, at paano iwaksi ang sarili mong pagkasuwail; kung may pag-unawa kang bunga ng pagdanas ng mga bagay na ito, magkakaroon ka ng pundasyon; kapag may nangyari, magkakaroon ka ng angkop na katotohanan na maikukumpara dito at ng angkop na mga pananaw bilang pundasyon. Magkakaroon ka ng mga prinsipyo sa lahat ng ginagawa mo, at magagawa mong kumilos ayon sa katotohanan. Sa gayon ay mapupuspos ng kaliwanagan ng Diyos, ng mga pagpapala ng Diyos, ang iyong buhay. Magiging makatarungan ang pagtrato ng Diyos sa sinumang tao na tapat na naghahanap sa Kanya, o isinasabuhay Siya at nagpapatotoo para sa Kanya, at hindi Niya isusumpa ang sinumang tao na tapat na nauuhaw sa katotohanan. Kung, habang ikaw ay kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, nakakatuon ka sa pag-alam sa iyong sariling tunay na kalagayan, sa iyong sariling pagsasagawa, at sa iyong sariling pagkaunawa, kapag nagkaroon ka ng problema, tatanggap ka ng kaliwanagan at magtatamo ng praktikal na pagkaunawa. Sa gayon ay magkakaroon ka ng isang landas ng pagsasagawa at pagkahiwatig sa lahat ng bagay. Ang isang taong nagtataglay ng katotohanan ay malamang na hindi malinlang, malamang na hindi manggulo o magmalabis. Dahil sa katotohanan, siya ay protektado, at dahil din sa katotohanan, nagtatamo siya ng mas maraming pagkaunawa. Dahil sa katotohanan, mas marami siyang landas ng pagsasagawa, mas maraming pagkakataong gawaan ng Banal na Espiritu, at mas maraming pagkakataong maperpekto.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaon Lamang mga Nakatuon sa Pagsasagawa ang Mapeperpekto
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 552
Mayroong mga pamantayang kailangang maabot kung ikaw ay gagawing perpekto. Sa pamamagitan ng iyong pagpapasya, ng iyong pagtitiyaga, at ng iyong konsensya, at sa pamamagitan ng iyong pagsisikap, makakaya mong maranasan ang buhay at mapalugod ang kalooban ng Diyos. Ito ang iyong pagpasok, at ang mga ito ang mga kinakailangan sa landas tungo sa pagpeperpekto. Ang gawain ng pagpeperpekto ay maaaring magawa sa lahat ng tao. Ang sinumang naghahangad sa Diyos ay maaaring maperpekto at mayroong pagkakataon at mga kwalipikasyon na maperpekto. Walang tiyak na panuntunan dito. Ang pangunahing batayan kung mapeperpekto ang isang tao ay kung ano ang kanyang pinagsisikapan. Ang mga tao na umiibig sa katotohanan at nagagawang ipamuhay ang katotohanan ay tiyak na may kakayahang maperpekto. Ang mga tao na hindi umiibig sa katotohanan ay hindi pinupuri ng Diyos; sila ay hindi nagtataglay ng buhay na hinihingi ng Diyos, at hindi sila mapeperpekto. Ang gawain ng pagperpekto ay para lamang sa pagkakamit ng mga tao at hindi bahagi ng gawain ng pakikipaglaban kay Satanas; ang gawain ng paglupig ay para lamang sa pakikipaglaban kay Satanas, na nangangahulugang paggamit ng paglupig sa tao upang talunin si Satanas. Ang gawain ng paglupig ay ang pangunahing gawain, ang pinakabagong gawain, gawain na hindi pa kailanman nagawa sa lahat ng kapanahunan. Maaaring sabihin na ang pangunahing layunin ng yugtong ito ng gawain ay ang lupigin ang lahat ng tao nang sa gayon ay magapi si Satanas. Ang gawain ng pagperpekto ng mga tao—ito ay hindi bagong gawain. Ang diwa ng layunin ng lahat ng gawain habang gumagawa ang Diyos sa katawang-tao ay ang paglupig ng mga tao. Ito ay gaya ng sa Kapanahunan ng Biyaya kung kailan ang pagtubos sa buong sangkatauhan sa pamamagitan ng pagpapapako sa krus ang pangunahing gawain. Ang “pagkamit sa mga tao” ay karagdagan sa gawain habang nasa katawang-tao at ginawa lamang pagkatapos ng pagpapapako sa krus. Nang dumating si Jesus at ginawa ang Kanyang gawain, ang Kanyang pangunahing layunin ay ang gamitin ang Kanyang pagkapako upang daigin ang pagkaalipin sa kamatayan at Hades, daigin ang impluwensya ni Satanas—na ibig sabihin ay talunin si Satanas. Pagkatapos lamang ng pagkapako ni Jesus lumakad si Pedro, nang paisa-isang hakbang, sa landas tungo sa pagpeperpekto. Siyempre kasama si Pedro sa mga sumunod kay Jesus habang gumagawa si Jesus, ngunit hindi siya naperpekto sa panahong iyon. Bagkus, noong natapos ni Jesus ang Kanyang gawain unti-unting naunawaan ni Pedro ang katotohanan at pagkatapos ay naging perpekto. Ang Diyos na nagkatawang-tao ay dumarating sa lupa upang tapusin lamang ang isang pangunahin at mahalagang yugto ng gawain sa loob ng maikling panahon, hindi upang mamuhay nang matagal kasama ng mga tao sa lupa na may layunin na gawin silang perpekto. Hindi Niya ginagawa ang gawaing iyan. Hindi Siya naghihintay sa sandali kung kailan ang tao ay ganap nang naperpekto para tapusin ang Kanyang gawain. Hindi iyan ang layunin at kabuluhan ng Kanyang pagkakatawang-tao. Dumating lamang Siya para gawin ang pagliligtas ng sangkatauhan sa maikling panahon, hindi para gawin ang pangmatagalang gawain ng pagpeperpekto sa sangkatauhan. Ang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan ay kumakatawan at may kakayahang magpasimula ng isang bagong kapanahunan. Maaari itong matapos sa loob ng maikling panahon. Ngunit ang pagpeperpekto sa sangkatauhan ay nangangailangan ng pagtataas sa tao sa isang tiyak na antas; ang gawaing ito ay nangangailangan ng mahabang panahon. Ang gawaing ito ay kailangang gawin ng Espiritu ng Diyos, ngunit ito ay ginagawa sa saligan ng katotohanan na sinabi sa panahon ng gawain habang nasa katawang-tao. Isinasagawa rin ito sa pamamagitan ng pagtataguyod Niya ng mga apostol upang gumawa ng pangmatagalang gawain ng pag-aakay para makamit ang Kanyang layuning pagpeperpekto sa sangkatauhan. Hindi ginagawa ng Diyos na nagkatawang-tao ang gawaing ito. Nagsasalita lamang Siya tungkol sa daan ng buhay upang makaunawa ang mga tao, at binibigyan lamang Niya ang sangkatauhan ng katotohanan, sa halip na patuloy na samahan ang tao sa pagsasagawa ng katotohanan, dahil iyan ay hindi kasama sa Kanyang ministeryo. Kung gayon, hindi Niya sasamahan ang tao hanggang sa araw na ang tao ay ganap nang nauunawaan ang katotohanan at ganap nang natatamo ang katotohanan. Ang Kanyang gawain habang nasa katawang-tao ay natatapos kapag ang tao ay pormal nang pumapasok sa tamang landas ng paniniwala sa Diyos at kapag ang tao ay tumatahak patungo sa tamang landas ng pagiging pinerpekto. Siyempre, ito rin ay kapag lubusan na Niyang natalo si Satanas at nadaig ang mundo. Hindi Niya pinakikialaman kung ang tao ay nakapasok na sa wakas sa katotohanan sa sandaling iyon, ni hindi Niya pinakikialaman kung ang buhay ng tao ay dakila o kaaba-aba. Wala riyan ang dapat Niyang pamahalaan habang nasa katawang-tao; walang anuman dito ang kasama sa ministeryo ng Diyos na nagkatawang-tao. Sa sandaling matapos Niya ang Kanyang hinahangad na gawin, tatapusin Niya ang Kanyang gawain habang nasa katawang-tao. Kaya, ang gawain na ginagawa ng Diyos na nagkatawang-tao ay ang gawain lamang na hindi maaaring gawin nang tuwiran ng Espiritu ng Diyos. Higit pa rito, ito ang pangmadaliang gawain ng pagliligtas, hindi isang pangmatagalang gawain na isasakatuparan Niya sa lupa.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging ang Nagawang Perpekto ang Makakapamuhay ng Makahulugang Buhay
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 553
Ang gawaing ito na isinasakatuparan sa inyo ay isinasagawa ayon sa kung anong gawain ang kailangang magawa. Matapos ang paglupig sa mga taong ito, isang pangkat ng mga tao ang gagawing perpekto. Samakatuwid, karamihan sa gawain sa kasalukuyan ay bilang paghahanda rin para sa layunin ng pagpeperpekto sa inyo, dahil maraming nagugutom sa katotohanan ang maaaring maperpekto. Kung ang gawain ng paglupig ay isasakatuparan sa inyo at pagkatapos ay wala nang karagdagan pang gawain ang isasagawa, kung gayon, maaari kayang mangyari na ang ilang nananabik sa katotohanan ay hindi ito makakamit? Ang kasalukuyang gawain ay naglalayong magbukas ng isang landas para sa pagpeperpekto sa mga tao kalaunan. Bagama’t ang Aking gawain ay ang gawain ng paglupig lamang, ang daan ng buhay na Aking sinabi ay bilang paghahanda pa rin para sa pagpeperpekto sa mga tao kalaunan. Ang gawain pagkatapos ng paglupig ay nakasentro sa pagpeperpekto sa mga tao, at ang paglupig ay ginagawa upang maglagay ng saligan para sa pagpeperpekto. Ang tao ay maaari lamang maperpekto matapos na malupig. Sa ngayon, ang pangunahing gawain ay ang manlupig; kalaunan, sila na mga naghahanap ng at nananabik sa katotohanan ay mapeperpekto. Ang maperpekto ay kinapapalooban ng mga aktibong aspeto ng pagpasok ng mga tao: Mayroon ka bang pusong mapagmahal sa Diyos? Ano ang naging lalim ng iyong karanasan habang lumalakad ka sa landas na ito? Gaano kadalisay ang iyong pag-ibig sa Diyos? Gaano katumpak ang iyong pagsasagawa ng katotohanan? Upang maperpekto, dapat ay magkaroon ang isang tao ng pangunahing kaalaman tungkol sa lahat ng aspeto ng pagkatao. Ito ay pinakaunang kinakailangan. Ang lahat ng hindi naperpekto matapos na malupig ay nagiging gamit-pangserbisyo at sa kahuli-hulihan ay itatapon pa rin sa lawa ng apoy at asupre at mahuhulog pa rin sa walang-hanggang kalaliman dahil ang inyong disposisyon ay hindi nabago at kayo ay pag-aari pa rin ni Satanas. Kung ang isang tao ay kulang sa mga kondisyon para sa pagpeperpekto, kung gayon siya ay walang-silbi—siya ay basura, isang kagamitan, isang bagay na hindi makakatagal sa pagsubok ng apoy! Gaano kalaki ang iyong pag-ibig sa Diyos sa ngayon? Gaano kalaki ang iyong pagkamuhi sa iyong sarili? Gaano talaga kalalim ang iyong pagkakilala kay Satanas? Napagtibay na ba ninyo ang inyong kapasyahan? Ang buhay ba ninyong saklaw ng inyong pagkatao ay napamamahalaang mabuti? Nabago na ba ang inyong buhay? Namumuhay ba kayo ng isang bagong buhay? Nabago na ba ang pananaw ninyo sa buhay? Kung ang mga bagay na ito ay hindi nabago, hindi ka mapeperpekto kahit na hindi ka umatras; bagkus, ikaw ay nalupig lamang. Kapag panahon na para subukin ka, magkukulang ka sa katotohanan, ang iyong pagkatao ay hindi magiging normal, at ikaw ay magiging kasingbaba ng isang hayop na tagapasan. Ang tanging nakamit mo ay ang pagiging nalupig lamang—kayo ay magiging isa lamang bagay na nalupig Ko. Gaya ng isang buriko na sa sandaling nakaranas ng palo ng amo ay nagiging matatakutin at natatakot na kumilos sa tuwing nakikita ang amo nito, ikaw ay magiging isang nasupil na buriko lamang. Kung ang isang tao ay kulang sa mga positibong aspetong iyon at sa halip ay walang kibo at takot, mahiyain at may alinlangan sa lahat ng bagay, hindi kayang kumilala ng anumang bagay nang malinaw, hindi kayang tanggapin ang katotohanan, wala pa ring landas para sa pagsasagawa, at higit doon ay walang pusong mapagmahal sa Diyos—kung ang isang tao ay walang pagkaunawa kung paano mahalin ang Diyos, kung paano mamuhay ng makabuluhang buhay, o kung paano maging isang tunay na tao—paano makapagpapatotoo sa Diyos ang tao na tulad nito? Ipapakita nito na ang iyong buhay ay maliit ang halaga at ikaw ay isa lamang nasupil na buriko. Ikaw ay lulupigin, ngunit nangangahulugan lamang iyan na ikaw ay nagtatwa sa malaking pulang dragon at tumangging magpasakop dito; ibig sabihin nito ay naniniwala ka na mayroong Diyos, nais mong sumunod sa lahat ng plano ng Diyos, at wala kang mga hinaing. Ngunit sa mga positibong aspeto, kaya mo bang isabuhay ang salita ng Diyos at ipamalas ang Diyos? Kung wala ka ng anuman sa mga aspetong ito, ito’y nangangahulugang ikaw ay hindi nakamit ng Diyos, at ikaw ay isang nasupil na buriko lamang. Walang anumang kaibig-ibig sa iyo, at ang Banal na Espiritu ay hindi gumagawa sa kalooban mo. Ang iyong pagkatao ay kulang na kulang; imposible para sa Diyos na gamitin ka. Kailangan mong masang-ayunan ng Diyos at maging isandaang beses na mas mabuti kaysa sa di-naniniwalang mga hayop at lumalakad na patay—ang mga nakakaabot lamang sa antas na ito ang marapat na maperpekto. Tanging sa pagkakaroon lamang ng pagkatao at konsensiya magiging angkop na gamitin ng Diyos ang isang tao. Maituturing ka lamang na isang tao kung ikaw ay naperpekto na. Tanging ang mga taong naperpekto na ang namumuhay ng makabuluhang mga buhay. Tanging ang mga taong tulad nito ang maaaring magpatotoo nang mas mataginting sa Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging ang Nagawang Perpekto ang Makakapamuhay ng Makahulugang Buhay
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 554
Ano ang landas kung saan ginagawang perpekto ng Diyos ang tao? Anong mga aspeto ang kasama nito? Handa ka bang gawing perpekto ng Diyos? Handa ka bang tanggapin ang paghatol at pagkastigo Niya? Ano ang nalalaman mo sa mga katanungang ito? Kung wala kang kaalamang maipahahayag, patunay itong hindi mo pa rin alam ang gawain ng Diyos, na hindi ka pa niliwanagan ng Banal na Espiritu. Imposibleng gawing perpekto ang ganitong mga tao. Binibigyan lamang sila ng kaunting biyaya upang panandaliang matamasa, at hindi ito magtatagal. Hindi magagawang perpekto ng Diyos ang mga tao kung nagtatamasa lamang sila ng Kanyang biyaya. Nasisiyahan ang ilan kapag may kapayapaan at kasiyahan ang laman nila, kapag madali at walang kagipitan o kasawian ang buhay nila, kapag namumuhay ang buong pamilya nila nang nagkakaisa, nang walang pagtatalo o sigalot—at maaari pang paniwalaan nilang pagpapala ito ng Diyos. Sa katotohanan, biyaya lamang ito ng Diyos. Hindi kayo dapat masiyahan sa pagtamasa lamang ng biyaya ng Diyos. Masyadong mababa ang ganitong pag-iisip. Kahit na araw-araw mong binabasa ang mga salita ng Diyos, at araw-araw kang nananalangin, at nakararamdam ang espiritu mo ng labis na kasiyahan at talagang payapa, kung sa huli ay wala ka nang masasabi sa kaalaman mo sa Diyos at sa gawain Niya, at walang naranasan, at kahit na gaano man karaming salita ng Diyos ang nakain at nainom mo na, kung espirituwal na kapayapaan at kasiyahan lamang ang nararamdaman mo, at na matamis na walang kaparis ang salita ng Diyos, na para bang hindi mo ito matatamasa nang sapat, ngunit wala kang kahit na ano pa mang praktikal na karanasan sa mga salita ng Diyos at ganap na salat sa realidad ng mga salita Niya, ano ang makakamit mo mula sa ganitong pananampalataya sa Diyos? Kung hindi mo kayang isabuhay ang pinakadiwa ng mga salita ng Diyos, ang pagkain at pag-inom mo ng mga salitang ito at ang mga panalangin mo ay walang iba kundi relihiyosong paniniwala. Hindi magagawang perpekto at hindi makakamit ng Diyos ang ganitong mga tao. Ang mga taong nakakamit ng Diyos ay yaong mga taong hinahangad na matamo ang katotohanan. Ang nakakamit ng Diyos ay hindi ang laman ng tao, hindi ang mga bagay na pagmamay-ari niya, kundi ang bahagi ng loob niya na pagmamay-ari ng Diyos. Kaya naman, kapag ginagawang perpekto ng Diyos ang mga tao, hindi ang laman nila ang ginagawa Niyang perpekto, kundi ang mga puso nila, na hinahayaang makamit ng Diyos ang mga puso nila; na ang ibig sabihin, ang pagpeperpekto ng Diyos sa tao, sa pinakadiwa, ay ang pagpeperpekto ng Diyos sa puso ng tao upang makabaling ang pusong ito sa Diyos at upang mahalin Siya nito.
Laman at dugo ang katawan ng tao. Walang silbi para sa Diyos ang pagkamit ng laman ng tao, sapagkat ang laman ng tao ay isang bagay na hindi maiiwasang mabulok at hindi makatatanggap ng pamana o ng mga pagpapala Niya. Kung nakamtan ang laman ng tao, at ang laman ng tao lamang ang nasa daloy, bagaman sa turing ay nasa daloy ang tao, ang puso niya ay magiging pag-aari ni Satanas. Yamang ganito, hindi lamang hindi magagawa ng mga tao na maging paghahayag ng Diyos, kundi sila ay magiging pasanin din Niya, at ang pagpili ng Diyos ng mga tao sa gayon ay magiging walang katuturan. Yaong mga balak gawing perpekto ng Diyos ay makatatanggap lahat ng mga pagpapala Niya at ng pamana Niya. Iyon ay, isasaloob nila kung anong mayroon at kung ano ang Diyos upang ito ay maging kung ano ang nasa kalooban nila; pinanday sa loob nila ang lahat ng salita ng Diyos; anuman ang Diyos, nagagawa ninyong tanggapin ang lahat ng ito nang eksakto, at sa gayon ay naisasabuhay ang katotohanan. Ito ang uri ng taong ginagawang perpekto ng Diyos at nakakamit ng Diyos. Ang ganitong tao lamang ang may karapatang tumanggap ng mga pagpapalang ipinagkakaloob ng Diyos:
1. Pagkakamit ng kabuuan ng pagmamahal ng Diyos.
2. Pagkilos alinsunod sa kalooban ng Diyos sa lahat ng bagay.
3. Pagkakamit ng gabay ng Diyos, pamumuhay sa liwanag ng Diyos, at pagkakamit ng kaliwanagan ng Diyos.
4. Pagsasabuhay sa lupa ng larawang mahal ng Diyos; pagmamahal nang tunay sa Diyos gaya ng ginawa ni Pedro, na ipinako sa krus para sa Diyos at karapat-dapat na mamatay bilang kabayaran sa pagmamahal ng Diyos; pagkakaroon ng kaparehong kaluwalhatian gaya ni Pedro.
5. Pagiging minamahal, iginagalang, at hinahangaan ng lahat ng tao sa lupa.
6. Pananaig sa lahat ng aspeto ng pagkagapos sa kamatayan at Hades, hindi pagbibigay ng pagkakataong gawin ni Satanas ang gawain nito, pagiging naangkin ng Diyos, pamumuhay sa loob ng isang sariwa at masiglang espiritu, at hindi pagsasawa.
7. Pagkakaroon ng di-mailarawang pagkaramdam ng tuwa at kasabikan sa lahat ng oras sa buong buhay, na para bang napagmasdan ang pagdating ng araw ng kaluwalhatian ng Diyos.
8. Pagwawagi ng kaluwalhatian kasama ng Diyos at pagkakaroon ng isang anyong kahawig ng mga banal na minamahal ng Diyos.
9. Pagiging yaong minamahal ng Diyos sa lupa, iyon ay, isang sinisintang anak na lalaki ng Diyos.
10. Pagbabagong-anyo at pag-akyat sa ikatlong langit kasama ang Diyos at paglampas sa laman.
Tanging ang mga tao lamang na maaaring magmana ng mga pagpapala ng Diyos ang ginagawang perpekto at nakakamit ng Diyos. May nakamit ka na bang kahit ano sa kasalukuyan? Hanggang saan ka ginawang perpekto ng Diyos? Hindi ginagawang perpekto ng Diyos ang tao nang walang tiyak na layunin; may kondisyon ang pagpeperpekto Niya sa tao, at may malinaw at makikitang mga bunga. Hindi ito, tulad ng iniisip ng tao, na hanggang may pananampalataya siya sa Diyos, magagawa siyang perpekto at makakamit ng Diyos, at makatatanggap siya sa lupa ng mga pagpapala at pamana ng Diyos. Lubhang napakahirap ang ganitong mga bagay—lalo na ang pagbabago sa anyo ng mga tao. Sa kasalukuyan, ang pangunahing dapat ninyong hangarin ay ang gawin kayong perpekto ng Diyos sa lahat ng bagay, at gawing perpekto ng Diyos sa pamamagitan ng lahat ng tao, usapin, at bagay na hinaharap ninyo, upang higit pa sa kung ano ang Diyos ay mapapanday sa loob ninyo. Kailangan mo munang tanggapin ang pamana ng Diyos sa lupa; saka ka lamang magkakaroon ng karapatang magmana ng mas marami, at mas higit pang, mga pagpapala mula sa Diyos. Ito ang lahat ng bagay na dapat ninyong hangarin, at na dapat muna ninyong unawain bago ang lahat. Kapag mas hinahangad mong magawang perpekto ng Diyos sa lahat ng bagay, mas magagawa mong makita ang kamay ng Diyos sa lahat ng bagay, at bunga nito ay, sa pamamagitan ng iba’t ibang pananaw at sa iba’t ibang usapin, aktibo mong hahangarin na makapasok sa katauhan ng salita ng Diyos at makapasok sa realidad ng salita Niya. Hindi ka maaaring masiyahan sa mga balintiyak na kalagayan gaya ng hindi lamang gumagawa ng kasalanan, o walang mga kuru-kuro, walang pilosopiya sa pamumuhay, at walang pantaong kalooban. Ginagawang perpekto ng Diyos ang tao sa napakaraming paraan; sa lahat ng bagay ay may posibilidad na magawang perpekto, at magagawa ka Niyang perpekto hindi lamang sa positibong mga paraan kundi pati sa negatibong mga paraan, upang gawing mas masagana ang makakamit mo. Bawat isang araw ay may mga pagkakataong magawang perpekto at dahilang makamtan ng Diyos. Matapos maranasan ang ganito nang maikling panahon, lubos kang mababago, at likas na maiintindihan mo ang maraming bagay na dati ay hindi mo alam. Hindi na kakailanganin ang tagubilin mula sa iba; lingid sa kaalaman mo, liliwanagan ka ng Diyos, upang makatanggap ka ng kaliwanagan sa lahat ng bagay at makapasok sa lahat ng karanasan mo nang detalyado. Tiyak na gagabayan ka ng Diyos upang hindi ka gumawi sa kaliwa o sa kanan, at sa gayon tatapak ka sa landas ng pagpeperpekto Niya.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Pangako sa Yaong mga Nagawang Perpekto
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 555
Ang pagiging ginagawang perpekto ng Diyos ay hindi maaaring limitahan sa pagiging perpekto sa pamamagitan ng pagkain at pag-inom ng salita ng Diyos. Ang ganitong pagdanas ay magiging masyadong may kinikilingan, masyadong kaunti ang magiging kasama rito, at maaari lamang nitong higpitan ang mga tao sa isang napakaliit na saklaw. Yamang ganito, labis na magkukulang ang mga tao sa espirituwal na pampalusog na kinakailangan nila. Kung nais mong gawing perpekto ng Diyos, dapat mong matutuhan kung paano danasin ang lahat ng bagay, at makamit ang kaliwanagan sa lahat ng mangyayari sa inyo. Mabuti man ito o masama, dapat itong magdala ng kapakinabangan sa iyo, at dapat hindi ka gawing negatibo. Anupaman, dapat mong maisaalang-alang ang mga bagay habang nakatayo sa panig ng Diyos, at hindi suriin o aralin ang mga ito mula sa pananaw ng tao (ito ay magiging isang paglihis sa karanasan mo). Kung ganito ka dumanas, mapupuno ang puso mo ng mga pasanin ng buhay mo; palagi kang mamumuhay sa liwanag ng anyo ng Diyos, na hindi madaling malilihis ng landas sa pagsasagawa mo. May magandang kinabukasan ang ganitong mga tao sa hinaharap. Mayroong napakaraming pagkakataong magawang perpekto ng Diyos. Nakasalalay ang lahat ng ito sa kung kayo ay isang taong tunay na nagmamahal sa Diyos at kung taglay ninyo ang kapasyahang gawing perpekto ng Diyos, makamit ng Diyos, at tumanggap ng mga biyaya at pamana Niya. Hindi sapat ang kapasyahan lamang; dapat mayroon kayong malawak na kaalaman, kung hindi, palagi kayong malilihis sa pagsasagawa ninyo. Handa ang Diyos na gawing perpekto ang bawat isa sa inyo. Sa kasalukuyan, bagamat matagal nang tinanggap ng karamihan ng tao ang gawain ng Diyos, nilimitahan nila ang mga sarili nila sa pagpapainit lamang sa biyaya ng Diyos, at handa lamang na hayaan ang Diyos na bigyan sila ng kaunting ginhawa ng laman, subalit ayaw nilang tumanggap ng mas higit pa, at mas matataas, na mga pahayag. Ipinapakita nitong palagi pa ring nasa labas ang puso ng tao. Bagamat ang gawain ng tao, ang paglilingkod niya, at ang puso ng pagmamahal niya para sa Diyos ay may mas kaunting karumihan, kung ang panloob na diwa niya at ang paurong na pag-iisip niya ang pag-uusapan, palagi pa ring hinahangad ng tao ang kapayapaan at kasiyahan ng laman, at walang pakialam sa kung anu-ano ang mga kondisyon at mga layunin ng Diyos para sa pagpeperpekto sa tao. Kaya naman, masagwa at nabubulok pa rin ang buhay ng karamihan ng tao. Hindi nagbago kahit katiting ang mga buhay nila; sadyang hindi nila itinuturing na isang mahalagang bagay ang pananampalataya sa Diyos, na para bang may pananampalataya lamang sila alang-alang sa iba, kumikilos nang walang pagsisikap at pabayang nakararaos, inaanod sa isang walang-layong pag-iral. Kakaunti lamang yaong mga nagagawang maghangad na makapasok sa salita ng Diyos sa lahat ng bagay, na nagkakamit ng mas higit at mas masasaganang bagay, nagiging mga taong may mas higit na kayamanan sa tahanan ng Diyos ngayon, at tumatanggap ng mas higit pang mga pagpapala ng Diyos. Kung hinahangad mong gawing perpekto ng Diyos sa lahat ng bagay, at nagagawang tanggapin ang ipinangako ng Diyos sa lupa, kung hinahangad mong maliwanagan ng Diyos sa lahat ng bagay at hindi hinahayaang lumipas ang mga taon nang nakatunganga, ito ang pinakamainam na landas na aktibong pasukin. Sa ganitong paraan ka lamang magiging karapat-dapat at magkakaroon ng karapatang gawing perpekto ng Diyos. Tunay ka bang naghahangad na gawing perpekto ng Diyos? Tunay ka bang taimtim sa lahat ng bagay? Mayroon ka bang kaparehong espiritu ng pagmamahal para sa Diyos tulad ng kay Pedro? Mayroon ka bang kaloobang mahalin ang Diyos tulad ng kay Jesus? Nanampalataya ka na kay Jesus sa loob ng maraming taon; nakita mo na ba kung paanong minahal ni Jesus ang Diyos? Tunay bang si Jesus ang pinaniniwalaan mo? Naniniwala ka sa praktikal na Diyos ng ngayon; nakita mo na ba kung paanong minamahal ng praktikal na Diyos sa katawang-tao ang Diyos na nasa langit? Mayroon kang pananampalataya sa Panginoong Jesucristo; iyon ay dahil sa ang pagkakapako ni Jesus sa krus alang-alang sa pagtubos sa sangkatauhan at ang mga himalang ginawa Niya ay pangkalahatang tinatanggap na mga katotohanan. Subalit hindi nagmumula sa kaalaman at tunay na pagkaunawa kay Jesucristo ang pananampalataya ng tao. Naniniwala ka lamang sa pangalan ni Jesus, ngunit hindi ka naniniwala sa Espiritu Niya, sapagkat hindi ka nagbibigay ng anumang pansin sa kung paanong minahal ni Jesus ang Diyos. Masyadong walang muwang ang pananampalataya mo sa Diyos. Sa kabila ng paniniwala kay Jesus sa loob ng maraming taon, hindi mo alam kung paanong mahalin ang Diyos. Hindi ka ba nito ginagawang ang pinakamalaking hangal sa mundo? Patunay itong sa loob ng maraming taon, kinakain mo ang pagkain ng Panginoong Jesucristo nang walang katuturan. Hindi Ko lamang inaayawan ang ganitong mga tao, nagtitiwala Akong ang Panginoong Jesucristo—na binibigyang pitagan ninyo—ay aayawan din sila. Paano mapeperpekto ang mga taong ganito? Hindi ka ba namumula sa kahihiyan? Hindi ka ba nakararamdam ng kahihiyan? Mayroon ka pa bang lakas ng loob na harapin ang iyong Panginoong Jesucristo? Nauunawaan ba ninyong lahat ang kahulugan ng sinabi Ko?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Pangako sa Yaong mga Nagawang Perpekto