2. Pagkaunawa sa Layunin ng Tatlong yugto ng gawain sa Pamamahala ng Diyos ng Sangkatauhan

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Ang Aking buong plano ng pamamahala, ang anim na libong taong plano ng pamamahala, ay binubuo ng tatlong yugto, o tatlong kapanahunan: ang Kapanahunan ng Kautusan sa simula; ang Kapanahunan ng Biyaya (na siya ring Kapanahunan ng Pagtubos); at ang Kapanahunan ng Kaharian sa mga huling araw. Ang Aking gawain sa tatlong kapanahunang ito ay nagkakaiba sa nilalaman ayon sa bawat kapanahunan, ngunit sa bawat yugto ang gawaing ito ay ginagawa ayon sa mga pangangailangan ng tao—o, para mas tumpak, ginagawa ito ayon sa mga panlalansi na ginagamit ni Satanas sa Aking pakikidigma laban dito. Ang layunin ay upang talunin si Satanas, upang ibunyag ang Aking karunungan at pagkamakapangyarihan-sa-lahat, upang ilantad ang lahat ng panlalansi ni Satanas, at sa gayon ay mailigtas ang buong lahi ng tao, na nabubuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Ito ay upang ibunyag ang Aking karunungan at pagkamakapangyarihan-sa-lahat, at isiwalat ang di-mabatang kapangitan ni Satanas; higit pa riyan, ito ay upang tulutan ang mga nilikha na makilala kung alin ang mabuti at masama, upang makilala na Ako ang May Kataas-taasang Kapangyarihan sa lahat ng bagay, upang makita nang malinaw na si Satanas ay kaaway ng sangkatauhan, ang tampalasan, ang siyang masama, at upang bigyang-kakayahan sila na mapag-iba, nang may lubos na kalinawan, ang mabuti at masama, katotohanan at maling kaisipan, kabanalan at karumihan, at kung ano ang dakila at ano ang hamak. Ito ay upang bigyang-kakayahan ang mangmang na sangkatauhan na magpatotoo sa Akin na hindi Ako ang nagtitiwali sa sangkatauhan, at na Ako lamang—ang Lumikha—ang nagliligtas sa sangkatauhan, at nagkakaloob sa mga tao ng mga bagay na matatamasa nila; ito ay para tulutan sila na malaman na Ako ang May Kataas-taasang Kapangyarihan sa lahat ng bagay at si Satanas ay isa lamang nilalang na Aking nilikha at na paglaon ay ipinagkanulo Ako. Ang Aking anim na libong taong plano ng pamamahala ay nahahati sa tatlong yugto, at gumagawa Ako nang gayon para makamit ang epekto ng pagbibigay-kakayahan sa Aking mga nilikha na magpatotoo sa Akin, maunawaan ang Aking mga layunin, at malaman na Ako ang katotohanan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Tunay na Kuwento ng Gawain sa Kapanahunan ng Pagtubos

Sa araw na ito ay una muna nating ibubuod ang mga kaisipan, mga ideya, at ang bawat galaw ng Diyos mula nang likhain Niya ang sangkatauhan. Titingnan natin kung anong gawain ang Kanyang isinakatuparan, mula sa paglikha ng mundo hanggang sa opisyal na pagsisimula ng Kapanahunan ng Biyaya. Matutuklasan natin pagkatapos kung alin sa mga kaisipan at mga ideya ng Diyos ang hindi batid ng tao, at mabibigyang-linaw natin mula roon ang pagkakasunud-sunod ng plano ng pamamahala ng Diyos, at lubusang mauunawaan ang konteksto kung saan nilikha ng Diyos ang Kanyang plano ng pamamahala, ang pinagmumulan at ang proseso ng pag-unlad nito, at lubusan din nating mauunawaan kung anong mga resulta ang Kanyang nais mula sa Kanyang gawain ng pamamahala—iyon ay, ang pinakasentro at ang layon ng Kanyang gawain ng pamamahala. Upang maunawaan ang mga bagay na ito, kailangan nating bumalik sa isang malayo, payapa at tahimik na panahon kung kailan wala pa ang mga tao …

Nilikha Mismo ng Diyos ang Unang Taong May-Buhay

Nang bumangon ang Diyos mula sa Kanyang higaan, ito ang una Niyang naisip: ang lumikha ng isang buhay na tao—isang tunay at buhay na tao—isang taong makakapiling at palaging makakasama Niya; maaaring makinig ang taong ito sa Kanya, at maaari Siyang magtiwala at makipag-usap sa kanya. Pagkatapos, sa unang pagkakataon, dumampot ang Diyos ng isang dakot ng lupa at ginamit ito upang likhain ang kauna-unahang buhay na tao ayon sa larawang naisip Niya sa Kanyang isipan, at pagkatapos ay binigyan Niya ng pangalan ang buhay na nilalang na ito—Adan. Sa sandaling nagkaroon ang Diyos ng buhay at humihingang taong ito, ano ang Kanyang nadama? Sa unang pagkakataon, naramdaman Niya ang kagalakan ng pagkakaroon ng isang minamahal, isang makakasama. Naramdaman din Niya sa unang pagkakataon ang pananagutan ng pagiging isang ama at ang pagmamalasakit na kaagapay nito. Nagdulot ng kasiyahan at kagalakan sa Diyos ang buhay at humihingang taong ito; naramdaman Niya ang kaaliwan sa unang pagkakataon. Ito ang kauna-unahang bagay na ginawa ng Diyos na hindi naisakatuparan gamit ang Kanyang mga kaisipan o maging mga salita, bagkus ay nagawa gamit ang Kanyang sariling mga kamay. Nang ang uri ng nilalang na ito—isang buhay at humihingang tao—ay tumayo sa harap ng Diyos, na gawa sa laman at dugo, na may katawan at anyo, at nagagawang makipag-usap sa Diyos, naranasan Niya ang isang uri ng kagalakan na hindi pa Niya kailanman nadama. Tunay na nadama ng Diyos ang pananagutan Niya, at hindi lamang pumukaw sa Kanyang puso ang buhay na nilalang na ito bagkus ay pinasigla at inantig ang Kanyang puso sa bawat maliit na galaw na ginawa nito. Nang tumayo sa harapan ng Diyos ang buhay na nilalang na ito, ito ang unang pagkakataon na nagkaroon Siya ng kaisipang magkamit ng mas maraming gayong tao. Ito ang magkakasunod na mga pangyayari na nagsimula sa unang kaisipang ito ng Diyos. Para sa Diyos, nagaganap ang lahat ng pangyayaring ito sa unang pagkakataon, subalit sa unang mga pangyayaring ito, anuman ang nadama Niya sa panahong iyon—kagalakan, pananagutan, pagmamalasakit—wala Siyang mapagbahagiang sinuman. Simula sa sandaling iyon, tunay na nadama ng Diyos ang isang kalumbayan at isang kalungkutang hindi pa Niya kailanman nadama. Nadama Niya na hindi matatanggap o mauunawaan ng tao ang Kanyang pagmamahal at pagmamalasakit, o ang Kanyang mga layunin sa tao, kaya nakaramdam pa rin Siya ng kalungkutan at kirot sa Kanyang puso. Bagaman ginawa Niya ang mga bagay na ito para sa tao, hindi ito batid ng tao at hindi naunawaan. Maliban sa kasiyahan, ang kagalakan at kaaliwan na idinulot ng tao sa Kanya ay mabilis ding idinulot na kasama nito ang una Niyang mga damdamin ng kalungkutan at kalumbayan. Ito ang mga kaisipan at mga damdamin ng Diyos sa panahong iyon. Habang ginagawa ng Diyos ang lahat ng bagay na ito, sa Kanyang puso ay napunta Siya mula sa kagalakan patungo sa kalungkutan at mula sa kalungkutan patungo sa kirot, at may halong pagkabalisa ang mga damdaming ito. Ang gusto lamang Niyang gawin ay magmadali na tulutan ang taong ito, ang sangkatauhang ito na malaman kung ano ang nasa Kanyang puso at maunawaan ang Kanyang mga layunin sa mas lalong madaling panahon. Pagkatapos, maaari silang maging mga tagasunod Niya at makibahagi sa mga kaisipan Niya at maging naaayon sa mga layunin Niya. Hindi na sila makikinig lamang sa pagsasalita ng Diyos at mananatiling walang imik; hindi na sila magiging walang kabatiran sa kung paano makisama sa Diyos sa Kanyang gawain; higit sa lahat, hindi na sila magiging mga taong nagwawalang-bahala sa mga hinihingi ng Diyos. Ang unang mga bagay na ito na ginawa ng Diyos ay lubhang makabuluhan at may malaking kahalagahan para sa Kanyang plano ng pamamahala at para sa mga tao ngayon.

Pagkatapos likhain ang lahat ng bagay at ang sangkatauhan, hindi nagpahinga ang Diyos. Hindi Siya mapalagay at sabik na isakatuparan ang Kanyang pamamahala, at na makamit ang mga taong pinakamamahal Niya sa sangkatauhan.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo III

Itinuturing ng Diyos ang pagkakataong ito ng Kanyang pamamahala sa sangkatauhan, ng Kanyang pagliligtas sa sangkatauhan, bilang higit na mahalaga kaysa sa anupaman. Ginagawa Niya ang mga bagay na ito hindi lang gamit ang Kanyang mga kaisipan, at hindi lang gamit ang Kanyang mga salita, at lalo pang hindi Niya ginagawa ang mga ito sa kaswal na paraan—ginagawa Niya ang lahat ng bagay na ito nang may mga layunin Niya, habang may plano, may layon, at mga pamantayan. Makikita na nagtataglay ng malaking kabuluhan kapwa sa Diyos at sa tao ang pagkakataong ito ng gawain ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan. Kahit na gaano kahirap ang gawain, gaano man kalaki ang mga hadlang dito, gaano man kahina ang mga tao, o gaano man kalalim ang paghihimagsik ng sangkatauhan, wala sa mga ito ang mahirap para sa Diyos. Pinananatiling abala ng Diyos ang sarili Niya, ginugugol Niya ang dugo ng Kanyang puso, at pinamamahalaan ang gawain na gusto Niyang isakatuparan. Isinasaayos din Niya ang lahat, at Siya ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng tao na gusto Niyang gawaan at sa lahat ng gawaing nais Niyang gawin—lahat ng ito ay hindi pa nangyari kailanman. Ito ang unang pagkakataon na ginamit ng Diyos ang mga pamamaraang ito at nagbayad Siya ng gayon kalaking halaga para isakatuparan ang malaawakang gawain ng pamamahala at pagliligtas sa sangkatauhan. Habang isinasakatuparan ng Diyos ang lahat ng gawaing ito, unti-unti Niyang ipinahahayag at inilalabas sa sangkatauhan, nang walang anumang pasubali, ang dugo ng Kanyang puso, kung ano ang mga tinataglay Niya at kung ano Siya, ang Kanyang karunungan at pagkamakapangyarihan-sa-lahat, at ang bawat aspekto ng Kanyang disposisyon, at hindi pa nangyari kailanman ang pagpapahayag at paglalabas Niya ng mga bagay na ito sa mga pamamaraang ito. Kaya, sa buong sansinukob, maliban sa mga taong nilalayon ng Diyos na pamahalaan at iligtas, kahit kailan ay hindi pa nagkaroon ng ibang mga nilalang na napakalapit sa Diyos o nagkaroon ng gayon katalik na ugnayan sa Kanya. Sa Kanyang puso, ang sangkatauhang gusto Niyang pamahalaan at iligtas ang pinakapangunahin, at pinahahalagahan Niya ang sangkatauhang ito nang higit sa lahat. Kahit na nagbayad na Siya ng napakalaking halaga para sa kanila, at kahit na patuloy Siyang sinasaktan at pinaghihimagsikan ng mga ito, wala Siyang mga reklamo o pagsisisi, hindi pa rin Niya sila iniiwan o inaabandona, at patuloy Niyang ginagawa ang gawain Niya nang walang tigil. Ito ay dahil nalalaman Niya na sa malao’t madali, darating ang araw na ang mga tao ay magigising sa pagtawag ng Kanyang mga salita, maaantig ng Kanyang mga salita, makikilala na Siya ang Lumikha, at pagkatapos ay magbabalik sa Kanyang piling …

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo III

Kahit ano pa ang ginagawa ng Diyos o ang paraan na ginagamit Niya para gawin ito, kahit ano pa ang halaga, o kahit ano pa ang Kanyang nilalayon, ang layunin ng Kanyang mga kilos ay hindi nagbabago. Ang Kanyang layunin ay upang ipasok sa tao ang mga salita ng Diyos, pati na rin ang mga hinihingi at ang mga layunin ng Diyos para sa tao; sa madaling salita, ito ay upang ipasok sa tao ang lahat ng pinaniniwalaan ng Diyos na mga positibong bagay alinsunod sa Kanyang mga hakbang, na nagbibigay sa tao ng pagkaunawa sa puso ng Diyos at pagkaintindi at pagkaarok sa diwa ng Diyos, at nagpapahintulot sa tao na magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, at sa gayon ay matamo ng tao ang takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan—ang lahat ng ito ay isang aspekto ng layunin ng Diyos sa lahat ng Kanyang ginagawa. Ang isa pang aspekto ay, dahil si Satanas ang hambingan at nagsisilbing gamit-panserbisyo sa gawain ng Diyos, ang tao ay madalas na ibinibigay kay Satanas; paraan ito na ginagamit ng Diyos upang makita ng mga tao ang kabuktutan, kapangitan, at pagiging kasuklam-suklam ni Satanas sa gitna ng mga pagtukso at pag-atake nito, na nagiging dahilan upang kamuhian ng mga tao si Satanas at magawang malaman at makilatis ang mga negatibong bagay. Ang prosesong ito ay nagbibigay-daan sa kanila upang unti-unti nilang mapalaya ang kanilang sarili mula sa kontrol, mga paratang, panggugulo, at pag-atake ni Satanas—hanggang sa, salamat sa mga salita ng Diyos, sa kanilang pagkakilala sa Diyos, sa kanilang pagpapasakop sa Diyos, sa kanilang pananalig sa Diyos at sa kanilang takot sa Diyos, ganap silang nagtatagumpay laban sa mga pag-atake at paratang ni Satanas; saka lamang sila lubusang maiaadya mula sa kapangyarihan ni Satanas. Ang pag-adya sa mga tao ay nangangahulugan na nadeklara ang pagkatalo ni Satanas, ito ay nangangahulugan na hindi na sila ang pagkain sa bibig ni Satanas, na hindi na sila lalamunin ni Satanas, at na sa halip ay tinalikuran sila ni Satanas. Ito ay dahil ang mga gayong tao ay matuwid, dahil may pananalig, may pagpapasakop, at may takot sila sa Diyos, at dahil ganap silang humiwalay kay Satanas. Nagdadala sila ng kahihiyan kay Satanas, ginagawa nilang duwag si Satanas, at lubusan nilang tinatalo si Satanas. Ang kanilang pananalig sa pagsunod sa Diyos, at ang pagpapasakop at takot nila sa Diyos ang tumatalo kay Satanas, at nagiging dahilan kung bakit ganap silang binibitiwan ni Satanas. Ang mga taong tulad nito lamang ang tunay na nakamit ng Diyos, at ito ang pinakalayon ng Diyos sa pagliligtas sa tao.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II

Ganito ang pamamahala ng Diyos: ipinapasa Niya ang sangkatauhan kay Satanas—isang sangkatauhang sadyang hindi nakakaalam kung ano ang Diyos, kung ano ang Lumikha, kung paano sambahin ang Diyos, o kung bakit nila kailangang magpasakop sa Diyos—at tinutulutan si Satanas na gawin silang tiwali ayon sa gusto nito; nang hakbang-hakbang, pagkatapos ay binabawi Niya sila mula sa mga kamay ni Satanas, hanggang sa lubos nilang sambahin ang Diyos at tanggihan si Satanas. Ito ang pamamahala ng Diyos. Maaaring para itong isang kuwentong kathang-isip, at maaaring tila nakakalito ito. Pakiramdam ng mga tao ay para itong isang kuwentong kathang-isip dahil wala silang kamalay-malay kung gaano na karami ang nangyari sa tao sa nakalipas na ilang libong taon, lalong hindi nila alam kung ilang kuwento na ang nangyari sa sansinukob at sa kalangitan. At higit pa riyan, ito ay dahil sadyang hindi makita ng kanilang mga mortal na mata ang mas kahanga-hanga at mas nakakatakot na mundong umiiral sa kabila ng materyal na mundo. Parang mahirap itong maunawaan para sa kanila dahil hindi nila nauunawaan ang kabuluhan ng pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan o ang kabuluhan ng Kanyang gawain ng pamamahala, at hindi nauunawaan kung anong uri ng sangkatauhan ang aktuwal na ninanais ng Diyos. Ito ba ay ang uri ng sangkatauhan na lubos na hindi natiwali ni Satanas, na kagaya nina Adan at Eba? Hindi! Ang layon ng pamamahala ng Diyos ay para makamit ang isang grupo ng mga tao na sumasamba sa Diyos at nagpapasakop sa Kanya. Bagama’t nagawa nang tiwali ni Satanas ang mga taong ito, hindi na nila itinuturing si Satanas bilang kanilang ama; sa halip, nakikilala nila ang pangit na mukha ni Satanas at tinatanggihan ito, at humaharap sila sa Diyos upang tanggapin ang Kanyang paghatol at pagkastigo. Nalalaman nila ang pagkakaiba sa pagitan ng pangit at ng banal, at kinikilala nila ang kadakilaan ng Diyos at ang kasamaan ni Satanas. Ang isang sangkatauhang tulad nito ay hindi na magseserbisyo kay Satanas, o sasamba kay Satanas, o maglalagay kay Satanas sa altar. Ito ay dahil sila ay isang grupo ng mga tao na tunay nang nakamit ng Diyos. Ito ang kabuluhan ng gawain ng pamamahala ng Diyos sa sangkatauhan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 3: Maaari Lamang Maligtas ang Tao sa Gitna ng Pamamahala ng Diyos

Nilikha ng Diyos ang mga tao, inilagay Niya sila sa lupa at inaakay sila magmula noon, kalaunan, iniligtas Niya sila at nagsilbi Siya bilang isang handog para sa kasalanan para sa sangkatauhan, at sa katapusan, dapat pa rin Niyang lupigin ang sangkatauhan, ganap na iligtas ang mga tao, at ibalik sila sa kanilang orihinal na wangis. Ito ang gawaing isinasagawa Niya mula sa simula hanggang sa wakas—ang pagpapanumbalik sa sangkatauhan sa orihinal nitong imahe at wangis. Itatatag ng Diyos ang kaharian Niya at ipapanumbalik ang orihinal na wangis ng mga tao, na nangangahulugang ipapanumbalik ng Diyos ang awtoridad Niya sa lupa at sa gitna ng lahat ng nilikha. Matapos gawing tiwali ni Satanas, nawala sa mga tao ang may-takot-sa-Diyos nilang puso gayundin ang papel na nararapat na mayroon ang mga nilikha. Lahat sila ay naging mga kaaway na mapaghimagsik laban sa Diyos, nabuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, at napailalim sa pagmamanipula ni Satanas; sa gayon, walang paraan ang Diyos upang gumawa sa gitna ng mga nilikha Niya, at lalong hindi Niya makamit ang takot ng mga ito. Ang mga tao ay nilikha ng Diyos, at dapat sumamba sa Diyos, ngunit ang totoo ay tinalikuran nila Siya at sa halip ay sumamba kay Satanas. Naging diyos-diyosan si Satanas sa kanilang mga puso. Sa gayon, nawalan ang Diyos ng lugar sa kanilang puso, na ang ibig sabihin ay nawala ang kahulugan sa likod ng paglikha Niya sa sangkatauhan. Samakatwid, upang mapanumbalik ang kahulugan sa likod ng paglikha Niya sa sangkatauhan, dapat Niyang maipanumbalik ang orihinal nilang wangis at tanggalin sa sangkatauhan ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Upang mabawi ang mga tao mula kay Satanas, dapat Niya silang iligtas mula sa kasalanan. Tanging sa ganitong paraan Niya unti-unting maipapanumbalik ang orihinal nilang wangis at papel, at sa wakas, ay mapapanumbalik ang kaharian Niya. Ang ganap na pagkalipol ng yaong mga anak ng paghihimagsik sa huli ay magiging para din sa kapakanan ng pagtutulot sa mga tao na sambahin nang mas mabuti ang Diyos at mabuhay sa lupa nang mas maayos. Yamang nilikha ng Diyos ang mga tao, idudulot Niya na sumamba sila sa Kanya; yamang ninanais Niyang mapanumbalik ang orihinal na papel ng sangkatauhan, ganap Niya itong panunumbalikin, at nang walang anumang halo. Ang pagpapanumbalik ng awtoridad Niya ay nangangahulugan ng pagdulot na sumamba at magpasakop ang mga tao sa Kanya; nangangahulugan ito na gagawin ng Diyos na mabuhay ang mga tao nang dahil sa Kanya at magdulot na masawi ang mga kaaway Niya bilang bunga ng Kanyang awtoridad. Nangangahulugan ito na idudulot ng Diyos na mamalagi sa gitna ng mga tao ang lahat ng tungkol sa Kanya nang walang paglaban mula kahit kanino. Ang kahariang ninanais itatag ng Diyos ay ang sarili Niyang kaharian. Ang sangkatauhang ninanais Niya ay yaong sumasamba sa Kanya, yaong ganap na nagpapasakop sa Kanya at nagtataglay ng kaluwalhatian Niya. Kung hindi ililigtas ng Diyos ang tiwaling sangkatauhan, mawawala ang kahulugan sa likod ng paglikha Niya sa sangkatauhan; mawawalan na Siya ng awtoridad sa mga tao, at hindi na magagawang umiral sa lupa ang kaharian Niya. Kung hindi lilipulin ng Diyos yaong mga kaaway na mapaghimagsik laban sa Kanya, hindi Niya magagawang makamit ang ganap Niyang kaluwalhatian, at hindi rin Niya magagawang itatag ang kaharian Niya sa lupa. Ang ganap na lipulin iyong mga kabilang sa sangkatauhan na mapaghimagsik laban sa Kanya, at dalhin sa pamamahinga yaong mga nagawa nang ganap—ang mga ito ang magiging mga tanda ng pagtatapos ng gawain Niya at ng dakilang tagumpay Niya. Kapag napanumbalik na ang mga tao sa orihinal nilang wangis, at kapag kaya na nilang tuparin ang kani-kanilang mga tungkulin, manatili sa sarili nilang mga wastong kinalalagyan, at magpasakop sa lahat ng pagsasaayos ng Diyos, nakamit na ng Diyos ang isang grupo ng mga tao sa lupa na sumasamba sa Kanya, at naitatag na rin Niya ang isang kaharian sa lupa na sumasamba sa Kanya. Magkakaroon Siya ng walang hanggang tagumpay sa lupa, at ang lahat ng sumasalungat sa Kanya ay masasawi magpasawalang hanggan. Panunumbalikin nito ang orihinal Niyang layunin sa paglikha sa sangkatauhan; panunumbalikin nito ang layunin Niya sa paglikha ng lahat ng bagay, at panunumbalikin din nito ang awtoridad Niya sa lupa, sa gitna ng lahat ng bagay, at sa gitna ng mga kaaway Niya. Ang mga ito ang magiging mga tanda ng ganap Niyang tagumpay. Magmula sa oras na iyon, papasok ang sangkatauhan sa pamamahinga at sisimulan ang buhay na nasa tamang landas. Papasok din sa walang hanggang pamamahinga ang Diyos kasama ang sangkatauhan, at magsisimula ng isang walang hanggang buhay na kapwa pagsasaluhan Niya at ng mga tao. Naglaho na ang dumi at paghihimagsik sa lupa, at humupa na ang lahat ng pagtangis, at tumigil na sa pag-iral ang lahat ng nasa daigdig na ito na sumasalungat sa Diyos. Tanging ang Diyos at yaong mga taong hinatiran Niya ng kaligtasan ang mananatili; tanging ang nilikha Niya ang mananatili.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Diyos at ang Tao ay Magkasamang Papasok sa Pamamahinga

Isinagawa ng Diyos ang Kanyang anim-na-libong-taon ng gawain hanggang sa kasalukuyang panahon, at ibinunyag ang marami sa Kanyang mga gawa, pangunahin upang talunin si Satanas at iligtas ang buong sangkatauhan. Sa pamamagitan ng pagkakataong ito, tinutulutan ng Diyos ang lahat ng bagay sa langit, lahat ng bagay sa lupa, lahat ng bagay sa loob ng karagatan, at maging ang bawat nilalang sa lupa, na makita ang Kanyang pagkamakapangyarihan-sa-lahat at ang lahat ng Kanyang mga gawa. Sa pamamagitan ng pagkakataong ito ng paggapi Niya kay Satanas, ibinubunyag Niya ang lahat ng Kanyang gawa sa mga tao, nang sa gayon ay purihin Siya ng lahat at dakilain ang Kanyang karunungan sa paggapi kay Satanas. Ang lahat ng bagay sa lupa, sa langit, at sa loob ng mga karagatan ay nagbibigay ng kaluwalhatian sa Diyos, pumupuri sa Kanyang pagkamakapangyarihan-sa-lahat, pumupuri sa bawat isa sa Kanyang mga gawa, at isinisigaw ang Kanyang banal na pangalan. Ito ay patunay ng Kanyang paggapi kay Satanas; patunay ito ng Kanyang paglupig kay Satanas. Higit pa rito, patunay ito ng Kanyang pagliligtas sa sangkatauhan. Ang lahat ng nilikha ng Diyos ay nagbibigay-kaluwalhatian sa Kanya, pinupuri Siya sa paggapi sa Kanyang kaaway at pagbabalik nang matagumpay, at dinadakila Siya bilang ang dakila at matagumpay na Hari. Ang Kanyang layunin ay hindi lamang para talunin si Satanas, kaya ang Kanyang gawain ay nagpatuloy nang anim na libong taon. Ginagamit Niya ang pagkatalo ni Satanas upang iligtas ang sangkatauhan; ginagamit Niya ang pagkatalo ni Satanas upang ibunyag ang lahat ng Kanyang gawa at Kanyang buong kaluwalhatian. Siya ay magtatamo ng kaluwalhatian, at lahat ng pulutong ng mga anghel ay makikita ang lahat ng Kanyang kaluwalhatian. Ang mga sugo sa langit, mga tao sa lupa, at lahat ng Kanyang likha sa lupa ay makakakita sa kaluwalhatian ng Lumikha. Ito ang gawaing Kanyang ginagawa. Ang Kanyang mga likha sa langit at sa lupa ay makakasaksi lahat sa Kanyang kaluwalhatian, at babalik Siya nang matagumpay matapos Niyang lubos na talunin si Satanas, kasama ang buong sangkatauhan na pumupuri sa Kanya—ito ay isang gawain na nagkakamit ng dalawang layon nang sabay. Sa huli, ang buong sangkatauhan ay lulupigin Niya, at Kanyang lilipulin ang sinumang lalaban o maghihimagsik; sa madaling salita, lilipulin Niya ang lahat ng kay Satanas.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Malaman Kung Paano Umunlad ang Buong Sangkatauhan Hanggang sa Kasalukuyang Araw

Sinundan: 1. Bakit Ginagawa ng Diyos ang gawain ng Pagliligtas sa Sangkatauhan?

Sumunod: 3. Ang Layunin at Kabuluhan ng gawain ng Diyos sa Kapanahunan ng Kautusan

Kaugnay na Nilalaman

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito