67. Makaraan ang Pagpapatalsik sa Aking Ama
Ilang taon na ang nakararaan, ginagawa ko ang aking tungkulin nang malayo sa tahanan namin nang bigla kong mabalitaan na tinukoy ang ama ko bilang isang masamang tao at pinatalsik mula sa iglesia. Sinabi nila na siya ay walang naging positibong papel sa iglesia, nagpapakalat ng mga kuru-kuro at pagkanegatibo, at pinipigilan ang sigasig ng mga tao sa kanilang tungkulin. Maraming beses siyang binahaginan at iwinasto ng mga kapatid pero hindi niya tinanggap ang alinman sa mga iyon, at naging palaban siya sa mga naglantad at nagwasto sa kanya. Talagang nabigla ako sa balita. Alam kong magagalitin siya, pero pakiramdam ko ay mayroon siyang mabuting pagkatao, na mapagmahal siya sa mga kapatid, at lagi silang tinutulungan sa kanilang mga paghihirap sa buhay. Lahat ng kapitbahay namin ay nagsabing napakamatulungin at mapagmahal niya, kaya bakit siya biglang patatalsikin dahil sa pagiging masama? Mula nang tanggapin niya ang gawain ng Diyos sa mga huling araw noong 2001, nagpapalaganap na siya ng ebanghelyo at ginagampanan ang kanyang tungkulin. Natulog siya sa mga tumpok ng panggatong at sa mga sementeryo para takasan ang pag-aresto ng CCP. Labis siyang nagdusa, at bagama’t hindi siya nakagawa ng anumang talagang pambihira, nagtrabaho siya nang husto sa loob ng maraming taon. Paano siya napatalsik nang ganoon na lang? Napaisip ako kung naging mali ang pag-asikaso rito ng lider ng iglesia. Bakit hindi siya nagkaroon ng pagkakataon na magsisi? Sa loob ng maiksing panahon, talagang masakit isipin ang anumang tungkol sa aking ama, at naawa ako sa kanya.
Makalipas ang humigit-kumulang isang taon, bumalik ako sa bayang kinalakihan ko para sa aking tungkulin. Sa simula noong makita ko ang aking ama, naawa pa rin talaga ako sa kanya at gusto kong gawin ang anumang magagawa ko para sa kanya. Inalagaan din niya akong mabuti. Pero unti-unti kong napagtanto na may kakaiba sa paraan niya ng pananalita. Lagi siyang nagsasabi ng mga negatibong bagay na maaaring magbigay sa isang tao ng maling pagkaunawa at ilayo ang sarili niya sa Diyos, at labis na malumbay. Halimbawa ay ang mama ko. Dati siyang lider ng iglesia, pero inilipat siya dahil sa kanyang mahinang kakayahan at sa hindi paggawa ng praktikal na gawain, kaya matagal-tagal siyang nasa negatibong kalagayan. Hindi nagbahagi sa kanya ang aking ama tungkol sa kalooban ng Diyos para matulungan siya, kundi sinabi nitong, “Walang kasiguruhan sa sambahayan ng Diyos, at isang araw, lahat ay tatanggalin. Hindi ba’t alam ng Diyos kung kulang ang iyong kakayahan? Sinadya ng Diyos na isaayos ito para sa iyo, pinili kang lider tapos tinanggal ka para ikaw ay magdusa. Ang mababa mong kakayahan ay itinakda ng Diyos. Kung hindi ka bibigyan ng Diyos ng magaling na kakayahan, hindi mo kailanman magagawa nang mabuti ang iyong tungkulin!” Matapos niyang sabihin iyon, lalong lumala ang kalagayan ng mama ko. Galit na galit ako nang marinig ko ang tungkol sa sinabi niya, at pakiramdam ko wala talaga siya sa katwiran. Normal iyon na pagbabago sa tungkulin sa iglesia, pero sinabi niya na sadya iyong paggawa ng Diyos na pagdusahin ang isang tao. Hindi talaga tumpak iyon. Isinasaayos at inaakma ng iglesia ang mga tungkulin ng mga tao batay sa kanilang mga kalakasan, sa isang banda para lumago nang maayos ang gawain ng iglesia at maging mas matagumpay. Sa kabilang banda, ito ay para din bigyang-daan ang mga tao na malaman ang sarili nilang kakayahan at tayog, para makahanap sila ng angkop na tungkulin at posisyon at mas mabuting magamit ang kanilang mga kalakasan at magawa ang parte nila. Ang pagsasaayos na ito ay ganap na naaayon sa mga prinsipyo at makabubuti ito sa gawain ng iglesia at sa pagpasok sa buhay ng mga tao. Inilipat ang mama ko mula sa kanyang posisyon ng pamumuno, pero gumagawa siya ng isa pang tungkulin na akma sa kanya, at magagamit niya ang kabiguang ito para makilala ang kanyang sarili at matuto ng aral. Hindi ba’t mabuting bagay iyon? Paano nagawang baluktutin ng ama ko ang katotohanan? Mayroon ding isang kapatid sa iglesia na nagbitiw sa trabaho para full-time niyang magawa ang kanyang tungkulin. Noong hindi masyadong maraming kailangan sa kanyang tungkulin, nakahanap siya ng sideline para kumita ng kaunting pera. Mabigat na trabaho iyon, at kumita siya ng ikabubuhay habang ginagampanan ang kanyang tungkulin. Hindi pa siya nakagawa kailanman ng anumang ganoon kabigat sa katawan at kapag pagod na pagod na siya, labis siyang nalulungkot. Nang malaman ito ng ama ko, sinabi niya talaga sa kapatid, “Dating medyo may kaya sa buhay ang pamilya ko, pero magmula nang manalig sa Diyos, palagi na kaming nagsasakripisyo. Ngayon halos wala na kaming pera, at kailangan kong gumawa ng mabigat na trabaho. Ang dami mo nang isinusuko, pero isang araw, baka talagang umiyak ka na….” Nagulat ako na marinig siyang sabihin iyon. Bakit siya magbabahagi sa kapatid nang ganoon? Kapag isinusuko ng mga tao ang lahat para igugol ang sarili nila sa Diyos, kahit na hindi sila gaanong mayaman sa materyal nilang pamumuhay, at maaaring medyo magdusa sila, ang natatanggap nila ay katotohanan at buhay. Iyon ay isang bagay na hindi mapapalitan ng anumang halaga ng pera. Ang sinabi ng aking ama ay hindi nakaayon sa katotohanan. Hindi naman gaanong mas mahirap ang buhay namin kaysa sa dati, at napakaraming beses nang ang aking ama ay nagkaroon ng mga problema sa paghahanap ng trabaho o mga paghihirap sa buhay, nagbukas ang Diyos ng daan para sa kanya, tinulungan siyang makahanap ng nababagay na trabaho para patuloy siyang makapaghanapbuhay. Bago magkaroon ng pananampalataya, lagi siyang naninigarilyo at umiinom at napakasama ng kanyang kalusugan. Nanginginig ang kanyang mga kamay kapag may hawak siyang tasa ng kanin. Huminto siya sa pag-inom nang manalig na siya sa Diyos at ginugol niya ang kanyang oras sa paggawa ng kanyang tungkulin at pagbabahagi sa mga kapatid, kaya bumuti nang bumuti ang kanyang kalusugan. Lahat ng nakakita sa kanya ay nagsabi kung gaano kaayos ang kanyang hitsura, na para siyang isang bagong tao. Nakatanggap ang aming pamilya ng labis na biyaya mula sa Diyos, pero hindi binanggit ng ama ko ang alinman doon, sa halip ay binabaluktot niya ang mga bagay-bagay at nagrereklamo, sinasadyang akayin ang mga tao na magkamali ng pagkaunawa sa Diyos at sisihin ang Diyos, sinasadyang gambalain ang relasyon nila sa Diyos, at inaakay sila na lumayo sa Diyos at pagtaksilan ang Diyos.
Maraming bagay na gaya noon. Matapos kong iwan ang aking pag-aaral para gawin nang full-time ang tungkulin ko sa iglesia, lagi niyang sinasabing, “Masyado kang gumugugol na walang itinitira para sa iyong sarili. Pagsisisihan mo ito balang araw.” Hindi talaga iyon tamang pakinggan para sa akin. Ang paggawa ng isang nilikha sa kanyang tungkulin sa iglesia ay tama at nararapat. Pananagutan at obligasyon ko ito. Kusang-loob kong iniwan ang pag-aaral ko. Ang magawang manalig at sumunod sa Diyos at gawin ang tungkulin ko sa iglesia ay biyaya ng Diyos sa akin. Sa lahat ng mga taong ito na ginampanan ko ang tungkulin ko sa iglesia, naunawaan ko ang ilang katotohanan, at nagkamit ako ng mga bagay na hindi ko kailanman nakamit sa labas ng iglesia. Alam ko kung ano ang dapat hangarin ng mga tao sa buhay at mas nauunawaan ko ang maraming bagay sa mundo. Hindi ako sumusunod sa masasamang sekular na kalakaran gaya ng mga kabataang hindi mananampalataya. Ito ay mga totoong-totoong bagay na nakamit ko na hindi ko makukuha sa paaralan. Pero ginawa ng ama ko na isang negatibong bagay ang paggugol ng isang tao sa tungkulin niya para sa Diyos. Hindi ba’t pagpapakalat iyon ng pagiging negatibo at kamatayan? Sumagot ako, “Hindi ko iyon pagsisisihan! Maaaring ilang taon na akong hindi nag-aaral, at sa halip ay ginagawa ang aking tungkulin, pero napakarami ko nang natutuhang katotohanan at napakarami ko nang nakamit. Hinding-hindi ko iyon makukuha mula sa mga aklat. Ang sinasabi mo ay hindi naaayon sa katotohanan.” Nabigla ako nang sumiklab ang kanyang galit, at kinuyom niya ang kanyang kamao sa galit na para bang susuntukin niya ako. Noon ko napagtanto na ang aking ama ay hindi ang taong inakala ko. Lagi ko siyang hinuhusgahan noon batay sa panlabas niyang mabubuting gawa, hindi ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Lagi kong nakikita noon ang ama ko bilang napakamapagsaalang-alang at mapagmalasakit sa akin, at sa panlabas ay mapagmahal sa mga kapatid, at bilang isa na hindi masama ang pagkatao. Pero sa likod ng kanyang mabait na pag-uugali, mayroong kasamaan sa kanyang puso. Mayroon siyang matitinding kuru-kuro tungkol sa Diyos at sa Kanyang gawain. Ang kanyang mga salita ay mistulang umaalo at maunawain, iniisip ang iba pa naming pagpipilian, pero sa katunayan ay nagpapakalat siya ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos, dahilan para maling maunawaan at sisihin ng mga tao ang Diyos. Ang pagtanggap sa mga ito ay magiging sanhi na magkaroon tayo ng mga kuru-kuro at maling pagkaunawa tungkol sa Diyos, o gustuhin pang tumigil na sa pananalig, tumigil na sa paggawa ng ating tungkulin at paggugol para sa Diyos, at bumalik na sa mundo. Nakakaligaw talaga iyon!
Kalaunan, may nabasa akong ilang salita ng Diyos na tumatalakay sa kanyang pag-uugali. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Yaong mga kapatid na palaging nagbubulalas ng kanilang pagkanegatibo ay mga utusan ni Satanas, at ginugulo nila ang iglesia. Ang mga taong ito balang araw ay kailangang itiwalag at alisin. Sa kanilang paniniwala sa Diyos, kung ang mga tao ay walang may-takot-sa-Diyos na puso, kung wala silang sumusunod-sa-Diyos na puso, hindi lamang sila hindi makakagawa ng anumang gawain para sa Kanya, kundi bagkus ay magiging mga taong gumagambala sa Kanyang gawain at sumusuway sa Kanya. Ang paniniwala sa Diyos ngunit hindi sumusunod o natatakot sa Kanya, at sa halip ay nilalabanan Siya, ang pinakamalaking kahihiyan para sa isang mananampalataya. Kung kaswal lang at walang pagpipigil ang pananalita at pag-uugali ng mga mananampalataya na tulad ng mga hindi mananampalataya, mas masama pa sila kaysa mga hindi mananampalataya; sila ay napakatipikal na mga demonyo. … Lahat ng nagawang tiwali ni Satanas ay may mga tiwaling disposisyon. Ang ilan ay walang anumang taglay kundi mga tiwaling disposisyon, samantalang ang iba ay hindi ganito: Hindi lamang sila mayroong mga tiwali at satanikong disposisyon, kundi napakamalisyoso rin ng kanilang likas na pagkatao. Hindi lamang nahahayag sa kanilang mga salita at kilos ang kanilang mga tiwali at satanikong disposisyon; ang mga taong ito, bukod dito, ang totoong diyablong si Satanas. Ang pag-uugali nila ay nakakagambala at nakakagulo sa gawain ng Diyos, nakakagulo ito sa buhay pagpasok ng mga kapatid, at nakakasira sa normal na buhay ng iglesia. Sa malao’t madali, ang mga lobong ito na nakadamit-tupa ay kailangang mapalayas; hindi dapat kaawaan at tanggapin ang mga utusang ito ni Satanas. Ito lamang ang pumapanig sa Diyos, at yaong mga hindi nakakagawa nito ay nagtatampisaw sa putikan na kasama ni Satanas” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Babala sa mga Hindi Nagsasagawa ng Katotohanan). “Ang mga taong hindi nagpupunyaging sumulong ay palaging inaasam na maging negatibo at batugan din ang iba na kagaya nila. Yaong mga hindi nagsasagawa ng katotohanan ay naiinggit sa mga nagsasagawa niyon, at palaging sinusubukang linlangin yaong mga lito ang isipan at hindi makahiwatig. Ang mga bagay na ibinubulalas ng mga taong ito ay maaaring maging dahilan para ikaw ay manghina, dumausdos pababa, magkaroon ng abnormal na kalagayan, at mapuspos ng kadiliman. Nagiging dahilan ito upang mapalayo ka sa Diyos, at itangi mo ang laman at magpakasasa ka sa iyong sarili. Ang mga taong hindi nagmamahal sa katotohanan at laging wala sa loob ang pakikitungo sa Diyos ay walang kaalaman sa sarili, at ang disposisyon ng gayong mga tao ay umaakit sa iba na magkasala at suwayin ang Diyos. Hindi nila isinasagawa ang katotohanan, ni hindi nila tinutulutan ang iba na isagawa ito. Itinatangi nila ang kasalanan at hindi nila kinamumuhian ang kanilang sarili. Hindi nila kilala ang kanilang sarili, at pinipigilan nila ang iba na kilalanin ang kanilang mga sarili; pinipigilan nila ang iba na hangarin ang katotohanan. Yaong mga nililinlang nila ay hindi nakikita ang liwanag. Nahuhulog sila sa kadiliman, hindi nila kilala ang kanilang sarili, malabo sa kanila ang katotohanan, at napapalayo sila nang napapalayo mula sa Diyos” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Babala sa mga Hindi Nagsasagawa ng Katotohanan). Sa pagninilay rito, nakita ko na ang mga taong laging nagpapakalat ng mga kuru-kuro at pagiging negatibo sa mga kapatid ay nabibilang kay Satanas. Ang mga ganoong tao ay kumikilos bilang mga kampon ni Satanas, ginugulo at inililigaw ang mga tao at pinipigilan silang lumapit sa harapan ng Diyos. Ang pagsasabi ng ama ko ng ganoong mga bagay, at ang palaging pagsasabi noon ay hindi lang pagpapakita ng panandaliang katiwalian o pagkanegatibo at kahinaan. Ito ay dahil sa kalikasang diwa niya ay kinamumuhian niya ang katotohanan at ang Diyos, kaya kapag may anumang nangyayari, nagpapahayag siya ng mga perspektibong lubos na taliwas sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan, lahat ng ito ay mga kuru-kuro tungkol sa Diyos, para gawin ang mga tao na maling maunawaan, sisihin, at pagtaksilan ang Diyos. Nakita kong hindi talaga niya hinangad ang katotohanan. Ginampanan niya ang kanyang tungkulin para lamang magtamo ng mga pagpapala, at nang hindi siya nakatanggap ng mga materyal na pagpapala para sa kanyang pagdurusa at paggugol, pakiramdam niya ay parang ginawan siya ng mali, at puno pa nga siya ng sama ng loob at paglaban sa Diyos. Hindi niya masundan ang landas ng pananampalataya, at gusto niyang mahimok ang iba na ilayo ang kanilang sarili sa Diyos, pagtaksilan ang Diyos, at harapin ang Diyos kasama niya. Ang mga salita niya ay puno ng mga panlalansi ni Satanas at lahat ng ito ay para atakihin ang gana ng mga tao sa kanilang tungkulin at sirain ang relasyon nila sa Diyos. Siya ay walang iba kundi alagad ni Satanas, pagmamay-ari ng diyablo. Ang isang normal na tao na may mabuting kalooban ay hindi sadyang gagawa ng ganoong bagay, gaano man kanegatibo o kahina ang pakiramdam niya. Tanging isang satanikong demonyo lang ang makararamdam ng ganoon katinding paglaban sa Diyos. Lalo’t lalo kong naramdaman na nakakatakot ang aking ama, na hindi siya isang mabuting tao, kundi isang masama.
Nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos: “Maaaring sa lahat ng taon ng pagsampalataya mo sa Diyos, hindi ka pa nakasumpa ng sinuman o nakagawa ng masama kailanman, subalit sa pakikisama mo kay Cristo, hindi mo kayang magsabi ng katotohanan, kumilos nang tapat, o sumunod sa salita ni Cristo; kung gayon, sinasabi Ko na ikaw ang pinakamasama at mapaminsalang tao sa mundo. Maaaring napakabait mo at tapat ka sa iyong mga kamag-anak, kaibigan, asawa, anak, at magulang, at hindi ka nagsasamantala sa iba kailanman, ngunit kung hindi mo kayang umayon kay Cristo, kung hindi mo magawang makihalubilo sa Kanya nang maayos, kahit gugulin mo pa ang iyong lahat-lahat sa pagtulong sa iyong mga kapitbahay o sa masusing pag-aalaga sa iyong ama, ina, at mga miyembro ng inyong sambahayan, sasabihin Ko na masama ka pa rin, at bukod dito ay puno ka ng mga tusong panlilinlang” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaong mga Hindi Kaayon ni Cristo ay Tiyak na mga Kalaban ng Diyos). Nakatulong ito sa akin na makita na hindi natin masasabi kung ang isang tao ay mabuti o masama batay sa kung paano niya tinatrato ang ibang tao sa panlabas, kundi batay sa kanyang saloobin tungo sa Diyos at sa katotohanan. Gaano man siya kabait sa panlabas o anuman ang tingin sa kanya ng mga tao, kung sa diwa ay kinamumuhian niya ang katotohanan at ang Diyos, siya ay isang masamang tao na kalaban ng Diyos. Bagama’t ang aking ama ay tila ba mabait, matulungin sa mga kapatid kapag nagkukulang sila sa anuman, hindi kailanman maramot, at hindi nagtitipid sa pagho-host sa mga kapatid, bagama’t mukha siyang isang mabait na taong may mabuting puso, sa kalikasang diwa ay kinasusuklaman niya ang katotohanan, kinamumuhian niya ito. Alam na alam niya na inilantad na ng Diyos ang mga mali nating pananaw na manampalataya para lamang maghangad ng mga pagpapala, ngunit nang nagsaayos ang Diyos ng isang kapaligirang hindi tugma sa sarili niyang mga kuru-kuro, na hindi binigyang-lugod ang pagnanasa niya sa mga pagpapala, sumama ang ugali niya, napuno siya ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos, hinusgahan niya at kinamuhian pa nga ang Diyos. Sa loob ng maraming taong iyon, hindi siya kailanman nagnilay sa kanyang sarili o hinanap ang katotohanan, kundi patuloy na hinusgahan ang gawain ng Diyos at nagpakalat ng kanyang mga kuru-kuro tungkol sa Diyos. Ang mga layunin ng kanyang mga salita ay taglay ang mga panlalansi ni Satanas, na iniiwan ang mga tao na hindi sinasadyang maging negatibo at mahina. Nakakatakot talaga ito. Sinusuri ng Diyos ang mga tao batay sa kanilang diwa, sa kanilang saloobin tungo sa Diyos at sa katotohanan. Pero sinusuri ko ang aking ama batay sa kanyang panlabas na pagpapakita. Nang makita kong mayroon siyang ilang mabuting pag-uugali, naniwala akong isa siyang mabuting tao at na hindi siya dapat pinatalsik ng iglesia, kaya gusto ko siyang ipagtanggol. Hindi ko naunawaan ang katotohanan o ginamit ang mga salita ng Diyos bilang aking sukatan. Napakahangal ko. Nang maintindihan ko ito, nadama ko na talagang tama ang iglesia na patalsikin ang aking ama. Kinamumuhian niya ang Diyos at ang katotohanan, kaya sarili lang niya ang maaari niyang sisihin kung bakit siya pinatalsik ng iglesia. Hindi na ako naawa sa kanya. Pakiramdam ko ay malaya na ako.
Pagkatapos ay may nangyari pa na nagbigay sa akin ng higit na kabatiran tungkol sa kanya. Narinig ng aking ama na isang kapatid na nagwasto sa kanya dati ang inalis sa kanyang tungkulin. Tuwang-tuwa siya sa balitang iyon, at nang may namumuhing ningning sa kanyang mga mata, nagtiim siya ng mga ngipin at sinabing, “Naaalala mo kung paano mo ako iwinasto? Sabi mo wala akong prinsipyo sa aking tungkulin, na hindi ko isinasagawa ang katotohanan. Ngayon ikaw naman!” May napakalupit na tingin sa kanyang mga mata at nakakatakot na ekspresyon sa kanyang mukha. Nakita ko na wala siyang anumang pagkahabag. Noong iwinasto siya, hindi niya hinanap ang katotohanan at natuto ng aral, kundi namuhi sa taong iyon sa loob ng maraming taon dahil nasaktan ang kanyang pagpapahalaga sa sarili. Lalo nitong pinatunayan sa akin na sa diwa, ang aking ama ay isang taong may masamang kalooban, isang masamang taong namumuhi sa katotohanan. Pagpapakita ito ng isang masamang tao ng kanyang tunay na kulay, at talagang tama nga na patalsikin siya sa iglesia.
Kalaunan, isinaayos ng sambahayan ng Diyos na suriin at tingnan ng mga iglesia kung may sinumang maling napaalis o napatalsik, o kung mayroong sinuman sa mga napaalis o napatalsik ang tunay nang nagsisi. Para sa mga taong ito, puwedeng pag-isipan ng iglesia kung pababalikin sila batay sa prinsipyo. Hindi alam ng bagong lider ang sitwasyon ng aking ama. Nakita niya ang panlabas na sigasig at kahandaan ng aking ama na mag-host ng mga kapatid, na tinulungan sila nito na makahanap ng trabaho, na talagang mapagmalasakit ito, at na nagbigay ito ng ilang handog. Kaya, naisip niya na baka mali itong napatalsik at gusto niya itong ibalik sa iglesia. Nagulat ako nang marinig ang lider na sabihin ito, dahil alam ko sa puso ko na ang pagpapatalsik sa ama ko ay lubusang naaayon sa mga prinsipyo, na hindi ito isang maling pagpapatalsik. Agad kong sinabi, “Hindi maaaring pabalikin ang aking ama.” Dahil hindi kilala ng lider ang aking ama, nagbahagi lang siya kung paanong kailangan ng mga tao ng pagkakataong makapagsisi. Noong una gusto kong talakayin ang mga partikular na pag-uugali ng aking ama, pero nag-atubili ako, at hindi nagsabi ng anuman. Iniisip ko na ama ko siya, na nagpalaki sa akin sa loob ng maraming taon. Kapag nalaman niyang humadlang ako sa muling pagtanggap sa kanya, labis siyang masasaktan at magagalit sa akin! Nang maisip ko iyon, pinanatili kong tikom ang aking bibig, pero nakonsensya talaga ako pag-alis ng lider. Tanging ako at ang mama ko lang ang malinaw na nakakaalam tungkol sa isyu ng ama ko, at ang hindi pagsasalita sa kritikal na oras na iyon ay pagkabigong protektahan ang gawain ng iglesia. Noong gabing iyon, pabaling-baling ako, at naisip ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Sino si Satanas, sino ang mga demonyo, at sino ang mga kaaway ng Diyos kundi ang mga mapanlaban na hindi naniniwala sa Diyos? Hindi ba sila yaong mga taong masuwayin sa Diyos? Hindi ba sila yaong mga umaangkin na may pananampalataya, subalit salat sa katotohanan? Hindi ba sila yaong mga naghahangad na matamo lamang ang mga pagpapala samantalang hindi magawang magpatotoo para sa Diyos? Nakikihalubilo ka pa rin ngayon sa mga demonyong iyon at nag-uukol ng budhi at pagmamahal sa kanila, ngunit sa pangyayaring ito, hindi ka ba nag-aabot ng mabubuting layon kay Satanas? Hindi ka ba kakampi ng mga demonyo? Kung hindi pa rin magawa ng mga tao sa mga araw na ito na makita ang kaibhan ng mabuti at masama, at patuloy na bulag na maging mapagmahal at maawain nang walang anumang layon na hangarin ang kalooban ng Diyos o magawang kupkupin bilang kanila sa anumang paraan ang mga layunin ng Diyos, magiging higit na kahabag-habag ang kanilang mga katapusan. Kaaway ng Diyos ang sinumang hindi naniniwala sa Diyos sa katawang-tao. Kung nakapag-uukol ka ng budhi at pagmamahal sa isang kaaway, hindi ka ba salat sa kahulugan ng pagiging matuwid? Kung bumabagay ka sa mga yaong kinamumuhian Ko at hindi Ko sinasang-ayunan, at nag-uukol pa rin ng pagmamahal o pansariling damdamin sa kanila, hindi ka ba masuwayin sa gayon? Hindi mo ba sinasadyang labanan ang Diyos? Nagtataglay ba ng katotohanan ang gayong tao? Kung nag-uukol ng budhi ang mga tao patungkol sa mga kaaway, pagmamahal sa mga demonyo, at habag kay Satanas, hindi ba nila sinasadyang gambalain ang gawain ng Diyos sa gayon?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama). Nakadama ako ng panlulumo nang pag-isipan ko ang mga salita ng Diyos. Alam na alam ko na ang aking ama ay namumuhi sa katotohanan at nilalabanan ang Diyos, na sa diwa ay isa siyang masamang tao. Hindi siya akma sa mga prinsipyo ng iglesia sa muling pagtanggap ng mga tao. Pero gusto ko pa rin siyang pagtakpan at protektahan, at hindi ko nagawang ilantad ang kanyang masamang pag-uugali. Masyado akong sentimental. Namumuhay ako ayon sa mga satanikong pilosopiya gaya ng “Mas matimbang ang dugo kaysa tubig” at “Ang tao ay hindi patay; paano siya magiging malaya mula sa emosyon?” Inisip ko na ama ko siya, kaya hindi ako dapat masyadong walang-awa, kailangan kong maging mabait. Natakot akong kamumuhian ako ng ama ko kapag nalaman niyang nagsalita ako tungkol sa mga problema niya, na tatawagin niya akong walang utang na loob at sasabihin niyang sayang ang napakaraming taon ng pagpapalaki niya sa akin. Hindi ko tinitingnan ang mga bagay-bagay ayon sa mga salita ng Diyos. Pinoprotektahan ko ang aking ama dahil sa damdamin sa halip na protektahan ang gawain ng iglesia. Nilalabanan at pinagtataksilan ko ang Diyos sa lahat ng ginagawa ko. Ang diwa ng ama ko ay sa isang masamang tao, at kung babalik siya sa iglesia, gagambalain lang niya ang buhay-iglesia at hahadlangan ang pagpasok sa buhay ng mga kapatid. Hindi ba’t magiging katulong ako ng isang masamang tao kapag nagkaganoon? Habang lalo ko itong iniisip, lalong sumasama ang pakiramdam ko. Sa pamumuhay ayon sa aking mga damdamin, hindi ko alam ang tama sa mali at nakaligtaan ko na ang mga prinsipyo ng pagiging tao.
Nabasa ko ang isang sipi ng salita ng Diyos: “Anong prinsipyo ang dapat pagbatayan ng pagtrato ng mga tao sa iba ayon sa hinihingi ng mga salita ng Diyos? Mahalin kung ano ang minamahal ng Diyos, at kamuhian kung ano ang kinamumuhian ng Diyos: Ito ang prinsipyong dapat sundin. Mahal ng Diyos ang mga naghahanap ng katotohanan at nakasusunod sa Kanyang kalooban; ito rin ang mga taong dapat nating mahalin. Ang mga hindi nakasusunod sa kalooban ng Diyos, mga napopoot at naghihimagsik sa Diyos—ito ang mga taong kinamumuhian ng Diyos, at dapat din natin silang kamuhian. Ito ang hinihingi ng Diyos sa tao. Kung hindi naniniwala sa Diyos ang iyong mga magulang, kung alam na alam nila na ang pananampalataya sa Diyos ang tamang landas, at na maaari itong humantong sa kaligtasan, subalit ayaw pa rin nila itong tanggapin, walang duda na sila ay mga taong nayayamot at namumuhi sa katotohanan, at na sila ang mga taong lumalaban at namumuhi sa Diyos—at natural lang na kinamumuhian at kinasusuklaman sila ng Diyos. Magagawa mo bang kamuhian ang gayong mga magulang? Nilalabanan at nilalapastanganan nila ang Diyos—kung magkagayon ay tiyak na mga demonyo at Satanas sila. Magagawa mo ba silang kasuklaman at sumpain? Mga totoong katanungan ang lahat ng ito. Kung hinahadlangan ka ng iyong mga magulang na manalig sa Diyos, paano mo sila dapat tratuhin? Gaya ng hinihingi ng Diyos, dapat mong mahalin kung ano ang minamahal ng Diyos, at kamuhian kung ano ang kinamumuhian ng Diyos. Noong Kapanahunan ng Biyaya, sinabi ng Panginoong Jesus, ‘Sino ang Aking ina? At sino-sino ang Aking mga kapatid?’ ‘Sapagkat sinumang gumagawa ng kalooban ng Aking Ama na nasa langit, ay siyang Aking kapatid na lalaki at Aking kapatid na babae, at ina.’ Umiiral na ang mga salitang ito noon pang Kapanahunan ng Biyaya, at lalo pang mas malinaw ang mga salita ng Diyos ngayon: ‘Mahalin kung ano ang minamahal ng Diyos, at kamuhian kung ano ang kinamumuhian ng Diyos.’ Diretsahan ang mga salitang ito, ngunit madalas na hindi naaarok ng mga tao ang tunay na kahulugan ng mga ito” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagkilala Lamang sa Sariling mga Maling Pananaw ng Isang Tao Siya Tunay na Makapagbabago). Ang mga salita ng Diyos ay nagbigay sa akin ng mga prinsipyo na kailangan kong gamitin sa aking ama. Ama ko siya, pero masama ang kanyang kalikasang diwa. Namumuhi siya sa katotohanan at kalaban siya ng Diyos. Magsasanhi lang siya ng pagkagambala sa iglesia at pinsala sa mga kapatid. Kinamumuhian at kinasusuklaman ng Diyos ang mga ganoong tao, at hindi Siya nagliligtas ng masasamang tao. Magiging kalupitan sa mga kapatid ang isaalang-alang ko lang ang pagmamahal ko sa aking ama, mapipinsala nito ang iglesia, at magiging pagpanig ito sa isang masamang tao sa paglaban sa Diyos at pagiging Kanyang kaaway!
Kalaunan, nagbahaginan kami ng mama ko tungkol dito, at kapwa namin naramdaman na sinusubok kami ng Diyos, na kailangan naming isagawa ang katotohanan at itaguyod ang mga interes ng iglesia. Kung pagtatakpan at poprotektahan namin ang aking ama at hindi namin ilalantad ang kanyang masamang pag-uugali, magkakaroon kami ng bahagi sa kasamaan niya, at isusumpa at parurusahan din kami ng Diyos. Hindi pa naibabalik ang aking ama, pero kapag binibisita kami ng mga kapatid, nagpapakalat pa rin siya ng mga salitang negatibo at tungkol sa kamatayan na nakakagambala sa kanila. Kung makakabalik nga siya, anumang grupo na makakaugnayan niya ay masasaktan, at anumang iglesia na makakaugnayan niya ay magiging iglesia na puno ng mga biktima! Kung hindi ko papansinin ang konsensya ko at mananahimik ako, mapipinsala noon ang mga kapatid, at magugulo ang gawain ng iglesia! Lalo akong natakot at napagtanto ko na sa kritikal na sandaling ito, ang pagprotekta sa gawain ng iglesia o ang pagtatakip sa isang masamang tao ay may kinalaman sa naging pasya ko. Hindi kilala ng lider ng iglesia ang aking ama, naisip niya na mukha itong isang mabuting tao sa panlabas, at pinag-iisipan niya kung dapat itong magkaroon ng isa pang pagkakataong makabalik sa iglesia. Pero kilala namin ang ama ko, kaya dapat naming isagawa ang katotohanan at maging tapat, at matapat na iulat sa aming lider ang masama nitong pag-uugali. Pagkaraan ng ilang araw, pumunta ang lider sa aming tahanan para sa isang pagtitipon. Ipinagtapat namin ng mama ko ang tungkol sa masasamang pag-uugali ng aking ama at sa huli ay hindi siya inanyayahang bumalik. Napayapa talaga ako nang isagawa ko ito.
Noong umpisa, nalinlang ako ng panlabas na mga pag-uugali ng aking ama at hindi ako nagkaroon ng anumang pagkakilala sa kanya. Hindi ko masabi kung sino ang mabuti at kung sino ang masamang tao. Dahil sa pagpapatalsik sa aking ama, natutuhan ko ang ilang katotohanan at nagkaroon ako ng kaunting pagkakilala, at malinaw kong nakita ang diwa ng aking ama bilang isang masamang tao. Napagtagumpayan ko ang mga pagpipigil ng pagiging sentimental at tinrato ko siya batay sa mga katotohanang prinsipyo. Iyon ay proteksyon at pagliligtas ng Diyos sa akin! Salamat sa Makapangyarihang Diyos!