Kabanata 10

Sa panahon ng pagtatayo ng iglesia, halos hindi nabanggit ng Diyos ang pagtatayo ng kaharian. Kahit nang banggitin Niya iyon, ginawa Niya iyon sa pananalita ng panahon. Nang dumating na ang Kapanahunan ng Kaharian, inalis ng Diyos ang ilang pamamaraan at alalahanin noong panahon ng pagtatayo ng iglesia sa isang kumpas, at hindi na muling bumigkas ng kahit isang salita tungkol sa mga iyon. Ito mismo ang pangunahing kahulugan ng “Diyos Mismo” na laging bago at hindi luma kailanman. Gaano man kagaling maaaring nagawa ang mga bagay-bagay noong araw, ang mga iyon, kunsabagay, ay bahagi ng isang nakalipas na panahon, kaya kinakategorya ng Diyos na naganap ang gayong nakaraang mga kaganapan noong panahon bago dumating si Cristo, samantalang ang kasalukuyang panahon ay kilala bilang panahon pagkamatay ni Cristo. Mula rito makikita na kinakailangang itayo ang iglesia para sa pagtatayo ng kaharian; inilatag nito ang pundasyon para magamit ng Diyos ang Kanyang malaking kapangyarihan sa kaharian. Ang pagtatayo ng iglesia ay isang dagliang paglalarawan ng ngayon; ang gawain ng Diyos sa lupa ay nakatuon una sa lahat sa bahaging ito na pagtatayo ng kaharian. Bago Niya natapos ang pagtatayo ng iglesia, nakagawa na Siya ng mga paghahanda para sa lahat ng gawaing gagawin, at sa tamang panahon, pormal Niyang sinimulan ang Kanyang gawain. Kaya nga sinabi ng Diyos, “Ang Kapanahunan ng Kaharian, kunsabagay, ay naiiba sa mga panahong nakaraan. Hindi ito tungkol sa kung paano kumikilos ang sangkatauhan; sa halip, bumaba na Ako sa lupa upang personal na isagawa ang Aking gawain, na isang bagay na hindi maiisip ni maisasakatuparan ng mga tao.” Tunay nga, kailangang personal na isagawa ng Diyos ang gawaing ito—walang sinumang tao ang may kakayahang gawin ang gayong gawain; wala talaga silang ganang gawin iyon. Sino, maliban sa Diyos, ang maaaring magsagawa ng gayon kadakilang gawain sa gitna ng sangkatauhan? Sino pa ang may kakayahang “pahirapan” ang buong sangkatauhan hanggang sa halos mamatay? Posible bang planuhin ng mga tao ang gayong gawain? Bakit Niya sinasabing, “bumaba na Ako sa lupa upang personal na isagawa ang Aking gawain”? Maaari kaya na talagang naglaho ang Espiritu ng Diyos mula sa buong kalawakan? Ang mga katagang, “bumaba na Ako sa lupa upang personal na isagawa ang Aking gawain,” ay tumutukoy kapwa sa katotohanan na ang Espiritu ng Diyos ay nagkatawang-tao sa laman para gawin ang gawain, at sa katotohanan na malinaw na ang Espiritu ng Diyos ay gumagawa sa pamamagitan ng sangkatauhan. Sa personal na pagsasagawa ng Kanyang gawain, tinutulutan Niya ang maraming tao na makita ang Diyos Mismo sa sarili nilang mga mata; hindi na nila kailangan pang hanapin Siyang mabuti sa sarili nilang espiritu. Bukod pa riyan, tinutulutan Niya ang lahat ng tao na makita ang mga gawa ng Espiritu sa sarili nilang mga mata, na nagpapakita sa kanila na may mahalagang pagkakaiba sa pagitan ng laman ng tao at ng Diyos. Kasabay nito, sa buong kalawakan, sa sansinukob na mundo, gumagawa ang Espiritu ng Diyos. Nakikita ng lahat ng tao ng Diyos na naliliwanagan, na tumanggap na sa pangalan ng Diyos, kung paano gumagawa ang Espiritu ng Diyos at, kung kaya, mas nakikilala pa ang Diyos na nagkatawang-tao. Sa gayon, kapag gumagawa nang tuwiran ang pagka-Diyos ng Diyos—ibig sabihin, kapag nakakagawa ang Espiritu ng Diyos nang wala ni katiting na paggambala—saka lamang nakikilala ng sangkatauhan ang praktikal na Diyos Mismo. Ito ang pinakadiwa ng pagtatayo ng kaharian.

Ilang beses bang nagkatawang-tao ang Diyos sa laman? Maaari kayang ilang beses? Bakit kaya nasabi ng Diyos nang maraming beses, “Minsan na Akong bumaba sa mundo ng mga tao at naranasan at namasdan Ko ang kanilang pagdurusa, ngunit ginawa Ko iyon nang hindi tinutupad ang layunin ng Aking pagkakatawang-tao”? Ito ba ay dahil nagkatawang-tao ang Diyos nang ilang beses, ngunit ni minsan ay hindi nakilala ng sangkatauhan? Hindi iyan ang ibig sabihin ng pahayag na ito. Sa unang pagkakataon na nagkatawang-tao ang Diyos, ang Kanyang layunin ay hindi talaga para makilala Siya ng mga tao; sa halip, isinagawa Niya ang Kanyang gawain at naglaho pagkatapos nang walang nakapansin o nagkaroon man lamang ng pagkakataong makilala Siya. Hindi Niya tinulutan ang mga tao na lubos Siyang makilala, ni hindi Niya ganap na angkin ang kabuluhan ng pagkakatawang-tao; sa gayon, hindi maaaring sabihin na Siya ay lubos na nagkatawang-tao. Sa unang pagkakatawang-tao, gumamit lamang ang Diyos ng isang pisikal na katawan na malaya sa likas na pagiging makasalanan para isakatuparan ang gawaing iyon; nang matapos iyon, hindi na iyon kinailangan pang banggiting muli. Tungkol naman sa mga taong nakasangkapan ng Diyos sa buong kapanahunan, lalong hindi karapat-dapat na tawaging “mga pagkakatawang-tao” ang gayong mga pangyayari. Tanging ang praktikal na Diyos Mismo ngayon, na natatakpan ng isang normal na pagkatao at may ganap na pagka-Diyos ang kalooban, at ang layunin ay tulutan ang sangkatauhan na makilala Siya, ang lubusang matatawag na isang “pagkakatawang-tao.” Ang kabuluhan ng unang pagparito ng Diyos sa mundong ito ay isang aspeto lamang ng kabuluhan ng tinatawag na pagkakatawang-tao ngayon—ngunit ang pagparito na ito ay hindi bumubuo sa anumang paraan sa buong kahulugan ng kilala ngayon bilang pagkakatawang-tao. Kaya nga sinabi ng Diyos, “nang hindi natutupad ang kabuluhan ng Aking pagkakatawang-tao.” Ang pagdanas ng at pagmamasid sa pagdurusa ng mga tao, tulad ng sinasabi sa mga salita ng Diyos, ay tumutukoy sa Espiritu ng Diyos at sa dalawang pagkakatawang-tao. Dahil dito, sinabi ng Diyos, “Kapag umusad na ang pagtatayo ng kaharian, ang Aking nagkatawang-taong laman ay pormal nang sinimulang gampanan ang Aking ministeryo; ibig sabihin, ang Hari ng kaharian ay pormal nang ginamit ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan.” Bagama’t isang patotoo sa pangalan ng Diyos ang pagtatayo ng iglesia, hindi pa pormal na nakapagsimula ang gawain; ngayon lamang masasabi na ito ang pagtatayo ng kaharian. Patikim lamang ang lahat ng naunang ginawa; hindi pa iyon ang totoo. Bagama’t sinabi na nagsimula na ang kaharian, wala pang gawaing ginagawa noon sa loob nito. Ngayon lamang, ngayong ginagawa ang gawain sa loob ng pagka-Diyos ng Diyos at pormal na nasimulan ng Diyos ang Kanyang gawain, sa wakas ay nakapasok na ang sangkatauhan sa kaharian. Sa gayon, “ang pagbaba ng kaharian sa mundo ng tao—na hindi lamang isang literal na pagpapakita—ay isang aktwal na realidad; ito ay isang aspeto ng kahulugan ng ‘ang realidad ng pagsasagawa.’” Ang siping ito ay isang angkop na buod ng paglalahad sa itaas. Dahil naibigay ang paglalarawang ito, nagpapatuloy ang Diyos na ipakita ang pangkalahatang kalagayan ng sangkatauhan, na iniiwan ang mga tao sa kalagayan ng palagiang kaabalahan. “Sa buong mundo, lahat ay umiiral ayon sa Aking awa at kagandahang-loob, ngunit pati na buong sangkatauhan ay napapailalim sa Aking paghatol, at sumasailalim din sa Aking mga pagsubok.” Pinamamahalaan ang buhay ng tao ayon sa ilang prinsipyo at tuntunin, ayon sa plano ng Diyos, at ang mga ito ay ang mga sumusunod: Magkakaroon ng mga panahon ng kaligayahan, mga sandali ng kabiguan, at, bukod pa riyan, mga panahon ng pagpipino sa pamamagitan ng mga paghihirap na kailangang tiisin. Sa gayon, walang sinumang mabubuhay nang puro kaligayahan o puro pagdurusa; bawat buhay ay magkakaroon ng mga tagumpay at kabiguan. Sa buong sangkatauhan, hindi lamang kitang-kita ang awa at mapagmahal na kabaitan ng Diyos, kundi pati na ang Kanyang paghatol at ang buo Niyang disposisyon. Masasabi na lahat ng tao ay umiiral sa gitna ng mga pagsubok ng Diyos, hindi ba? Sa buong malawak na mundong ito, abala ang mga tao sa paghahanap ng daan palabas para sa kanilang sarili. Hindi sila sigurado kung anong papel ang kanilang ginagampanan, at sinisira o binabalewala pa ng iba ang kanilang buhay para sa kapakanan ng kanilang kapalaran. Maging si Job ay hindi eksepsyon sa panuntunan: Bagama’t siya man ay nagtiis ng mga pagsubok ng Diyos, magkagayunman, naghanap siya ng kanyang sariling daan palabas. Walang sinumang matibay na nakapanindigan sa mga pagsubok ng Diyos. Dahil sa kasakiman o likas na pagkatao ng tao, walang sinumang lubos na nasisiyahan sa kanyang kasalukuyang kalagayan, at walang sinumang nakakapanindigan sa mga pagsubok; lahat ay nanghihina sa ilalim ng paghatol ng Diyos. Kung naging seryoso ang Diyos sa sangkatauhan, at kung nanatili pa rin Siyang gumagawa ng mahihigpit na kahilingan sa mga tao, magiging tulad sana ito ng Kanyang sinabi: “Babagsak ang buong sangkatauhan sa ilalim ng Aking nakakapasong titig.”

Sa kabila ng katotohanan na pormal nang nagsimula ang pagtatayo ng kaharian, hindi pa pormal na umaalingawngaw ang pagpupugay sa kaharian; ngayon ay isang propesiya lamang ito ng darating. Kapag nagawa nang ganap ang lahat ng tao at naging kaharian ni Cristo ang lahat ng bansa sa daigdig, iyon na ang panahon kung kailan dadagundong ang pitong kulog. Ang kasalukuyang panahon ay isang hakbang pasulong sa yugtong iyon; nailabas na ang utos tungo sa panahong iyon. Ito ang plano ng Diyos, at magkakatotoo ito sa malapit na hinaharap. Gayunman, naisakatuparan na ng Diyos ang lahat ng Kanyang nabigkas. Sa gayon, malinaw na ang mga bansa ng daigdig ay mga kastilyong buhangin lamang, na nanginginig habang papalapit ang pagtaas ng tubig: Napipinto na ang huling araw, at babagsak ang malaking pulang dragon sa ilalim ng salita ng Diyos. Para matiyak na tagumpay na naisasagawa ang Kanyang plano, bumaba na ang mga anghel ng langit sa lupa, na ginagawa ang lahat upang palugurin ang Diyos. Nagpakalat na ang Diyos Mismo na nagkatawang-tao sa larangan ng digmaan upang makidigma laban sa kaaway. Saanman nagpapakita ang pagkakatawang-tao ay nalilipol ang kaaway sa lugar na iyon. Unang pupuksain ang Tsina; wawasakin ito ng kamay ng Diyos. Hindi talaga maaawa ang Diyos doon. Makikita ang patunay ng mabilis na pagbagsak ng malaking pulang dragon sa patuloy na paggulang ng mga tao; maliwanag itong makikita ng sinuman. Ang paggulang ng mga tao ay isang tanda ng pagpanaw ng kaaway. Isang munting paliwanag ito kung ano ang kahulugan ng “makipaglaban.” Sa gayon, ipinaalala na ng Diyos sa mga tao sa maraming pagkakataon na magbigay ng magagandang patotoo sa Kanya upang mapawalang-saysay ang katayuang angkin ng mga kuru-kuro, na siyang kapangitan ng malaking pulang dragon, sa puso ng mga tao. Ginagamit ng Diyos ang gayong mga paalala para pasiglahin ang pananampalataya ng mga tao at, sa paggawa nito, nagkakamit ng mga katuparan sa Kanyang gawain. Ito ay dahil sinabi na ng Diyos, “Ano ba talaga ang kayang gawin ng mga tao? Hindi ba mas mainam na Ako Mismo ang gumawa nito?” Ganito ang lahat ng tao; hindi lamang sila walang kakayahan, kundi madali rin silang masiraan ng loob at madismaya. Dahil dito, hindi nila kayang makilala ang Diyos. Hindi lamang muling binubuhay ng Diyos ang pananampalataya ng sangkatauhan; lihim at patuloy rin Niyang pinupuspos ng lakas ang mga tao.

Sumunod, nagsimulang magsalita ang Diyos sa buong sansinukob. Hindi lamang nasimulan ng Diyos ang Kanyang bagong gawain sa Tsina, kundi sa buong sansinukob, nasimulan Niyang gawin ang bagong gawain ng ngayon. Sa yugtong ito ng gawain, dahil nais ng Diyos na ibunyag ang lahat ng Kanyang gawa sa buong daigdig upang bumalik ang lahat ng taong nagkanulo sa Kanya para magpasakop sa harap ng Kanyang luklukan, maglalaman pa rin ng Kanyang awa at mapagmahal na kabaitan ang paghatol ng Diyos. Ginagamit ng Diyos ang mga kasalukuyang kaganapan sa buong mundo bilang mga pagkakataon upang maging dahilan para mataranta ang mga tao, na magtutulak sa kanila na hanapin ang Diyos upang bumalik sila sa Kanyang harapan. Sa gayon, sinasabi ng Diyos, “Isa ito sa mga paraan ng Aking paggawa, at walang dudang isang gawa ng pagliligtas para sa sangkatauhan, at ang ipinaaabot Ko sa kanila ay isang uri pa rin ng pagmamahal.” Inilalantad ng Diyos dito ang tunay na likas na pagkatao ng sangkatauhan nang may katumpakang tumatagos, walang-kapantay, at walang kahirap-hirap. Dahil dito ay itinatago ng mga tao ang kanilang mukha sa kahihiyan, na lubusang napahiya. Tuwing magsasalita ang Diyos, kahit paano ay lagi Niyang nagagawang tukuyin ang isang aspeto ng kahiya-hiyang pagganap ng sangkatauhan upang, habang panatag, hindi nalilimutan ng mga tao na kilalanin ang kanilang sarili at hindi iniisip na ang pagkilala sa kanilang sarili ay isang dati nang tungkulin. Ayon sa likas na pagkatao ng tao, kung titigil ang Diyos sa pagtukoy sa kanilang mga kamalian kahit isang sandali lamang, malamang na maging bastos sila at mayabang. Ito ang dahilan kaya sinasabi ng Diyos ngayon, “Ang sangkatauhan—sa halip na pahalagahan ang mga titulong Aking iginawad sa kanila, napakarami sa kanila, dahil sa titulong ‘tagapagsilbi,’ ay nagkikimkim ng sama ng loob sa kanilang puso, at napakarami, dahil sa titulong ‘Aking mga tao,’ ang nagmamahal sa Akin sa kanilang puso. Hindi dapat subukin ninuman na lokohin Ako; nakikita ng Aking mga mata ang lahat!” Nang mabasa ng mga tao ang pahayag na ito, agad silang naaasiwa. Pakiramdam nila ay napaka-isip-bata ng kanilang mga kilos noong araw—kauri mismo ng di-tapat na pakikitungo na nakakasakit sa Diyos. Kamakailan lamang ay ninais na nilang palugurin ang Diyos, ngunit kahit gustung-gusto nila, wala silang lakas na gawin iyon, at hindi nila alam kung ano ang nararapat nilang gawin. Hindi sinasadya, napupuspos sila ng panibagong determinasyon. Ito ang epekto ng pagbasa sa mga salitang ito matapos mapanatag ang isang tao.

Sa isang banda, sinasabi ng Diyos na sukdulan ang kabaliwan ni Satanas, samantalang sa kabilang banda naman ay sinasabi Niya na hindi pa nagbabago ang dating likas na pagkatao ng karamihan sa mga tao. Mula rito, malinaw na namamalas ang mga kilos ni Satanas sa pamamagitan ng sangkatauhan. Sa gayon ay madalas na ipinapaalala ng Diyos sa mga tao na huwag maging masama, kung hindi ay sisilain sila ni Satanas. Hindi lamang nito ipinopropesiya na maghihimagsik ang ilang tao; bukod pa riyan, ito ay isang alarmang umaalingawngaw para balaan ang lahat ng tao na isantabi nang madalian ang nakaraan at hanapin ang kasalukuyang araw. Walang sinumang nais na masaniban ng mga demonyo o madaig ng masasamang espiritu, kaya ang mga salita ng Diyos, higit pa rito, ay isang babala at payo sa kanila. Gayunman, kapag naging kabaligtaran nito ang karamihan sa mga tao, na nag-uukol ng malaking pagpapahalaga sa bawat huling salita ng Diyos, sinasabi naman ng Diyos, “Karamihan sa mga tao ay naghihintay na magbunyag Ako ng mas marami pang hiwaga para pagpiyestahan ng kanilang mga mata. Gayunman, kahit naunawaan mo na ang lahat ng hiwaga ng langit, ano talaga ang maaari mong gawin sa kaalamang iyon? Madaragdagan ba nito ang iyong pagmamahal sa Akin? Mapupukaw ba nito ang iyong pagmamahal sa Akin?” Mula rito malinaw na hindi ginagamit ng mga tao ang salita ng Diyos para makilala ang Diyos at mahalin ang Diyos, kundi sa halip ay para madagdagan ang mga imbak ng kanilang “munting kamalig.” Sa gayon, ginagamit ng Diyos ang pariralang “pagpiyestahan ng kanilang mga mata” para ilarawan ang pagmamalabis ng sangkatauhan, na nagpapakita na hindi pa rin lubos na dalisay ang pagmamahal ng mga tao sa Diyos. Kung hindi inilantad ng Diyos ang mga hiwaga, hindi gaanong pahahalagahan ng mga tao ang Kanyang mga salita, kundi sa halip ay pahapyaw lamang na susulyapan ang mga ito, na sumusulyap sandali na parang humahanga sa mga bulaklak habang matulin silang nangangabayo. Hindi sila mag-uukol ng oras na tunay na pagbulayan o pagnilayan ang mga pagbigkas ng Diyos. Karamihan sa mga tao ay hindi tunay na itinatangi ang Kanyang salita. Hindi sila puspusang nagsusumikap na kumain at uminom ng Kanyang mga salita; sa halip, paimbabaw lamang nilang pinapasadahan ang mga ito. Bakit nagsasalita ngayon ang Diyos sa naiibang paraan kaysa ginawa Niya noong araw? Bakit lubhang di-maarok ang lahat ng Kanyang salita? Ang ilang halimbawa ay ang salitang “puputungan” sa “Hindi Ko sila kailanman basta puputungan ng gayong mga katawagan,” “pinakadalisay na ginto” sa “Mayroon bang sinumang maaaring tumanggap ng pinakadalisay na ginto kung saan gawa ang Aking mga salita,” ang nauna Niyang pagbanggit sa “pag-impluwensya” sa “nang hindi dumaraan sa anumang pag-impluwensya ni Satanas,” at ng iba pang gayong parirala. Hindi nauunawaan ng mga tao kung bakit nagsasalita ang Diyos sa ganitong paraan; hindi nila maintindihan kung bakit Siya nagsasalita sa gayong pabiro, nakakatawa, at nakakapukaw na paraan. Ang mga ito mismo ay mga pagpapamalas ng layunin ng pananalita ng Diyos. Sa simula pa lamang, wala na talagang kakayahan ang mga tao na intindihin ang salita ng Diyos, at tila parang ang Kanyang mga pagbigkas ay medyo matindi at mahigpit. Sa pagdaragdag ng bahagyang pagpapatawa—pagdaragdag ng ilang biro paminsan-minsan—napapagaan Niya ang damdamin sa Kanyang salita at tinutulutan ang mga tao na maipahinga ang kanilang mga kalamnan kahit paano. Sa paggawa nito, nakakamtan Niya ang isang mas matindi pang epekto, kaya napipilitan ang bawat tao na pagnilayan ang salita ng Diyos.

Sinundan: Karagdagan: Kabanata 1

Sumunod: Kabanata 11

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito