35. Isang Buhay na nasa Bingit
Noong 2008, ako ang responsable sa pagbibiyahe ng mga lathalain ng iglesia. Isa itong napakapangkaraniwang uri ng tungkulin sa isang bansang may kalayaan sa relihiyon, pero sa Tsina, napakadelikado nito. Ayon sa batas ng Partido Komunista, ang sinumang mahuhuling nagbibiyahe ng lathalaing pangrelihiyon ay maaaring masentensyahan ng pitong taon o higit pa. Sa kadahilanang ito, napakaingat ko at ng ibang mga kapatid sa oras ng aming tungkulin. Pero noong ika-dalawampu’t anim ng Agosto, habang naglalakad ako sa kalsada, bigla na lang akong pinalibutan ng ilang kotse ng pulis at itinulak ako ng mga pulis papasok sa isa sa mga iyon. Kabadong-kabado ako. Naisip ko ang isang sister na naaresto sa parehong dahilan, at napatawan siya ng sampung taon. Sampung taon din ba ang makukuha ko? Kung talagang mananatili ako nang ganoon katagal sa kulungan, makalalabas pa ba ako nang buhay? Nagsikip ang dibdib ko nang maisip ko iyon, at nagmadali akong tumawag sa Diyos: “O Diyos ko! Hindi ko alam kung paano ako pahihirapan ng mga pulis. Pakiusap bantayan Mo po ako, at bigyan Mo po ako ng pananampalataya at lakas.” Naisip ko ang mga salitang ito mula sa Diyos pagkatapos kong magdasal: “Hindi ka dapat matakot sa ganito at ganyan; gaano man karaming hirap at panganib ang maaari mong harapin, kaya mong manatiling hindi natitinag sa Aking harapan, hindi nahahadlangan ng anumang balakid, upang ang Aking kalooban ay maisagawa nang walang sagabal. Ito ang iyong tungkulin…. Ngayon ang panahon na susubukin kita: Ihahandog mo ba ang iyong katapatan sa Akin? Makasusunod ka ba sa Akin hanggang sa dulo ng daan nang may katapatan? Huwag matakot; sa suporta Ko, sino ang makakahadlang sa daan?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 10). Pinatibay nito ang pananampalataya at lakas ng loob ko. Ang Diyos ang Namumuno ng lahat ng bagay at ang buong sansinukob ay nasa Kanyang mga kamay. Kaya’t hindi ba’t nasa mga kamay rin Niya ang mga pulis? Kapag hindi ito pahihintulutan ng Diyos, ni isang buhok sa ulo ko ay walang makagagalaw. Gumagamit ang Diyos ng paniniil at paghihirap para gawing perpekto ang pananampalataya ko, kaya’t kailangan kong magdasal at sumandig sa Diyos, at tumayong saksi para sa Kanya. Kahit na masintensiyahan nga ako ng sampung taon, determinado ako na hinding-hindi ko ipagkakanulo ang mga kapatid ko, na hinding-hindi ko pagtataksilan ang Diyos.
Dinala ako ng mga pulis sa isang dalawang palapag na gusali sa labas ng lungsod. Isang matangkad, malapad, at may edad na pulis na may hawak na bote ng malamig na tubig ang sumugod sa akin nang may nakakatakot na ekspresyon ng mukha, tinutuktok ang isang mesa habang isinisigaw ang, “Ano ang pangalan mo? Ano ang trabaho mo sa iglesia? Kanino ka nakikipag-ugnayan? Sino ang lider ng iglesia mo?” Nang hindi ako magsalita, itinaas niya ang bote at ipinukpok iyon sa ulo ko, na nagpaugong sa ulo ko. Ipinagpatuloy niya ang pagtatanong sa akin, gumagamit ng lahat ng klase ng masasamang pananalita. Nanatili lang akong nakayuko at nagdasal nang hindi siya binibigyan ng ni isang sagot. Tapos ay ipinukpok niya ang bote sa noo ko—sandaling nanlabo ang paningin ko at pakiramdam ko ay mabibiyak ang bungo ko. Naluha ako sa sobrang sakit niyon. Tapos ay mabangis siyang humiyaw, “Mapahihirapan ka kung hindi ka magsasalita, at kung hindi ka magsasalita pagkatapos niyon, huwag mo nang isiping makalalabas ka pa nang buhay!” Takot na takot ako. Iniisip ko na kung patuloy niya akong hahampasin nang ganoon, kahit na hindi nito mabiyak ang bungo ko, tiyak na maaalog ang utak ko. Naisip ko kung bubugbugin ako hanggang sa mamatay. Dali-dali akong tumawag sa Diyos, at humingi ng proteksyon Niya, at nagpasya ako na paano man niya ako bugbugin, hinding-hindi ko pwedeng pagtaksilan ang Diyos, hinding-hindi ako magiging isang Judas. Biglang tumunog ang cellphone niya, at matapos sagutin ang tawag ay naglakad na siya palayo. Sinakluban ako sa ulo ng sakong katsa ng isa pang pulis, mahigpit na itinali iyon ng kurdon, at pagkatapos ay kinaladkad ako papasok sa isang bakanteng kwarto. Mainit at maalinsangan ang pakiramdam ko sa loob ng sako. Hindi ako sigurado kung gaano katagal ang lumipas bago nila ako dinala sa ikalawang palapag. Isang hepe ng pangkat ng Departamento ng Pampublikong Seguridad ng Probinsya na Gong ang apelyido ang tumiim-bagang at nagbanta sa akin: “Pwede ka naming patawan ng sampung taon para lang sa paniniwala mo sa Makapangyarihang Diyos. Sabihin mo sa amin ngayon ang lahat ng nalalaman mo, kung hindi ay walang makapagliligtas sa’yo!” Sinabi niya ring ipahihinto niya sa amo ko ang sweldo ko. Dahil hindi pa rin ako nagsasalita, may iba siyang inutusan na maghanap ng anumang dating tala ng pag-aresto sa akin. Talagang nakakanerbiyos iyon, dahil naaresto na ako noong 2003 dahil sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, at nakulong ako ng limang buwan. Kapag nakita nila ang rekord ko, tiyak na mas malupit ang sentensyang makukuha ko. Sa huli ay wala silang nakitang kahit na ano—alam ko na proteksyon iyon ng Diyos. Tahimik ko Siyang pinasalamatan. Dinala ako ng mga pulis sa isang kulungan pasado alas dose ng gabi, kung saan pinahubaran ako ng isang pulis ng bilangguan sa ilang preso, ipinaunat sa akin nang tuwid ang mga braso ko, tapos ay pinatalungko ako nang tatlong beses. Inihagis din nila ang lahat ng panlabas kong damit sa labas ng selda, at nang makita kong ihahagis din nila palabas ang mga panloob kong damit, nagmadali akong agawin at isinuot ko ulit ang mga iyon. Sa pagtalungko roon nang walang damit, sa pagtingin sa apat na security camera na nandoon mismo sa pader, labis ang pagkapahiya ko. Kinaumagahan pagkabangon ng lahat ng preso, ang tanging magagawa ko lang ay kumuha ng kobre kama na maibabalot sa katawan ko. Tapos ay may isang preso roon na naghagis sa akin ng ilang damit at bumulong, “Isuot mo iyan, bilis.” May isa pang nagpahiram sa akin ng isang pares ng pantalon. Alam kong isinaayos ito ng Diyos—labis ang pasasalamat ko. Kalaunan noong umagang iyon, isang pulis ng bilangguan ang naghagis ng mga damit ko pabalik sa selda, pero nang tingnan ko iyon, nakita kong ginupit ang mga zipper at butones sa pantalon at ibang damit ko, kaya’t kinailangang hawakan pataas ng isang kamay ko ang pantalon ko at hawakan pasara ang harap gamit ang isa pang kamay, at maglakad nang nakayuko. Nang makitang ganoon ako, pinagtawanan ako ng ibang preso at inutusang gumawa ng mga bagay, at sinadyang hilahin pababa ng ilan sa kanila ang pantalon ko at nagsabi ng kung anu-anong pangungutya sa akin. Dahil lamang sa panalangin kaya nalagpasan ko ang araw na iyon.
Sa kalagitnaan ng ikatlong araw, dumating ang mga pulis para ibalik ulit ako para kuwestyunin. Dinala nila ako sa isang malamlam na bakanteng kwarto, kung saan may nakita akong bakal na kagamitan sa pagpapahirap na nakasabit sa pader, at may matitingkad na mantsa ng dugo sa buong paligid noon. Nakakakilabot at nakakatakot iyon. Pinosasan nila ako nang nasa likod ang mga kamay ko, tapos ay pinalibutan ako ng isang Kapitan Yang ng Pambansang Brigada ng Seguridad at ilang pulis pangkrimen, at tinitigan nila ako nang matindi na parang mga gutom na lobo. May ilang litrato si Kapitan Yang ng ibang mga sister na dapat kong kilalanin at tinanong niya ako kung saan itinatago ang pera ng iglesia. Malupit din niya akong pinagbantaang, “Sabihin mo na! Kung hindi ka magsasalita, bubugbugin ka namin hanggang sa mamatay ka!” Naisip ko na kahit gawin nila iyon, hindi pa rin ako magiging isang Judas. Sinabi ng isa pang medyo matabang pulis, “Mas mabuting magsalita ka na ngayon! Kung hindi, sasabihin ko sa’yo, mas gusto ng kamao kong ito ng karne. Apat na taon akong nag-aral ng boksing sa akademya ng pulisya at higit akong nagsanay sa isang pamamaraang tinatawag na ‘paghampas ng maso.’ Pagsuntok iyon sa isang espesyal na parte ng balikat mo, at sa isang suntok, madudurog ang mga buto at lahat ng lamang-loob mo. Sa pamamagitan ng kamao ko, walang kahit isang taong hindi umaamin.” Lalo siyang yumayabang habang nagsasalita. Tapos ay naglabas si Kapitan Yang ng isang opisyal na dokumentong pula ang letterhead mula sa bag niya, ikinumpas iyon sa tapat ng mukha ko at sinabing, “Isa itong kompidensyal na dokumentong ipinalabas ng Sentral na Komite na partikular na tungkol sa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos. Sa sandaling mahuli namin kayo ay pwede namin kayong dalhin sa pintuan ng kamatayan, walang may pakialam kung mamatay man kayo! Pagkatapos namin kayong patayin sa bugbog, itatapon lang namin ang mga katawan ninyo sa mga bundok at walang makakaalam doon. Mayroon kami ng lahat ng klase ng kagamitan sa pagpapahirap para sa pagtrato ng mga mananampalatayang tulad mo. May isang klase ng alambreng latigo na pwede mong ilubog sa napakalamig na tubig, at sa tuwing lalatiguhin mo ang isang tao ay may matutuklap na piraso ng laman. Sa huli ay nakalitaw na ang mga buto ng taong iyon.” Nagsikip ang dibdib ko sa takot nang marinig ko ang lahat ng nakapangingilabot na bagay na iyon, at ang tumakbo sa isip ko ay kapag ginamit nila sa akin ang mga kagamitan sa pagpapahirap na iyon, malamang na mapatay ako niyon. At kapag itinapon nila ang katawan ko sa mga bundok ay makakain lang ako ng mababangis na aso. Magiging napakalaking trahedya niyon! Nasisindak, agad akong tumawag sa Diyos, “Diyos ko, takot na takot po ako na pahihirapan ako ng mga pulis gamit ang mga kagamitang ito. Hindi sapat ang tibay ng pananampalataya ko—pakiusap, protektahan Mo po ako at bigyan Mo po ako ng pananampalataya at lakas ng loob upang anuman ang gawin nila sa akin, kahit na kailanganin kong ibigay ang buhay ko para doon ay makaya kong tumayong saksi.” Nakikitang hindi pa rin ako nagsasalita, pinasalpok ni Kapitan Yang ang mga braso niya papunta sa ulo ko at hinampas ako ng isang dosena o mahigit pang beses, kaliwa’t kanan. Ni hindi ko kayang manatiling nakatayo. Ipinikit ko nang mariin ang mga mata ko at umagos ang mga luha sa mukha ko. Iyong nakatayo sa kaliwa ko na nagsabing “ihahampas niya ang maso” sa akin ay buong lakas na sumuntok sa isang parte ng balikat ko. Sa isang sandali, pakiramdam ko ay naglagutukan ang lahat ng buto ko, at ipinagpatuloy niya ang pagsuntok sa akin habang nagbibilang. Sinipa ako sa kanang tuhod ng pulis sa kanan ko at bumagsak ako sa sahig. Sinigawan nila ako na tumayo. Dahil nakaposas ang mga kamay ko sa likuran ko, hirap akong tumayo, sa kabila ng sakit. Agad nila akong sinipa pabalik sa sahig. Ipinagpatuloy ng “maso” na pulis ang paulit-ulit na pagsuntok sa balikat ko, habang pilit na inaalam, “Kanino ka nakikipag-ugnayan? Nasaan ang pera ng iglesia? Sabihin mo na sa akin ngayon, o magiging katapusan mo na!” Galit na galit, tinanong ko sila, “Anong batas ang nilalabag ko kaya binubugbog ninyo ako nang ganito? Hindi ba’t sinasabi ng saligang batas na mayroon tayong kalayaan sa paniniwala?” Malupit na sinabi ng kapitan, “Tama ka na! Kung ayaw mong mamatay rito, magsalita ka! Nasaan ang pera ng iglesia? Pera ang gusto namin. Papatayin ka namin sa bugbog ngayong araw mismo kung hindi mo sasabihin sa amin!” Habang sinasabi ito ay paulit-ulit niya akong sinusuntok sa ulo, at palakas nang palakas ang bawat suntok. Paulit-ulit nila akong sinipa at sinuntok pabagsak sa sahig, at sa bawat pagkakataon ay inuutusan nila akong tumayo ulit. Hindi ko alam kung gaano katagal nila akong binugbog. Ang nararamdaman ko lang ay ang pag-ugong ng ulo at mga tainga ko, at hindi ko maimulat ang mga mata ko, at pakiramdam ko ay luluwa na ang mga iyon palabas ng ulo ko. Magang-maga ang mukha ko na namanhid na iyon at tumatagas ang dugo sa mga gilid ng bibig ko. Pakiramdam ko ay malalaglag ang puso ko sa dibdib ko, at parang napulbos ang mga buto ng balikat ko. Bumagsak ako na hindi makakilos sa sahig at masakit ang buong katawan ko, na para bang lubusan na iyong nagkapira-piraso. Walang-tigil akong tumatawag sa Diyos para sa Kanyang proteksyon, at isang bagay lang ang nasa isip ko: Kahit na mamatay ako, hindi ako magiging isang Judas!
Nakikitang hindi ako nagsasalita, sinubukang gumamit ng kapitan ng kaunting panghihikayat: “Tinatanong namin sa’yo ang mga ito, pero ang totoo, alam na namin ang mga sagot. Tinitiyak lang namin. May ibang nagsumbong na sa iyo, kaya talaga bang sulit ang pag-ako ng pananagutan ng iba? Sa edad mo, bakit kailangan mong pagdaanan ang lahat ng pagdurusang ito? Kailangan ba talaga ito? Kung anong relihiyon lang naman iyan, hindi ba? Sabihin mo na sa amin ang nalalaman mo at pakakawalan ka namin agad-agad. Makakaiwas ka sa matinding hirap dahil doon.” Tapos ay nagsabi sila ng ilang kalapastanganan. Labis na nakagagalit sa aking marinig ang marurumi nilang salita at makita ang malulupit na ekspresyon sa mga mukha nila. Para makapag-aresto ng mas maraming kapatid at para makasamsam ng pera ng iglesia, nag-iba sila ng taktika para akitin ako. Napakalupit at napakakasuklam-suklam nila! Kung may nagsumbong man sa akin o wala, maninindigan pa rin ako, at talagang hindi ko pagtataksilan ang Diyos o ang ibang kapatid. Pagkatapos niyon, ginamit ng kapitan ang anak kong babae para pagbantaan ako. Tinitingnan ako nang may pekeng ngiti, sinabi niya, “Hindi ba’t nasa Beijing ang anak mong babae? Pwede namin siyang arestuhin at pahirapan sa mismong harapan mo. Kung hindi ka magsasalita, itatapon namin kayong dalawa sa kulungan ng mga lalake at hahayaang pagsamantalahan kayo ng mga lalaking iyon hanggang sa mamatay kayo. Magagawa ko iyon sa isang pitik lang ng daliri ko, at ginagawa ko ang sinasabi ko.” Alam kong kayang gawin ng Partido Komunista ang kahit na ano, at hindi ako natatakot mabugbog hanggang sa mamatay, pero hindi ko makakayanang isipin na itatapon kami ng anak ko sa isang kulungan ng mga lalake. Mas gugustuhin ko nang mamatay sa pambubugbog kaysa mayurakan sa ganoong paraan. Masyado itong nakatatakot isipin para sa akin, kaya’t agad akong tumawag sa Diyos, “Diyos ko, pakiusap, bantayan Mo po ang puso ko, at paano man nila ako pahirapan o hiyain, hindi po ako pwedeng maging isang Judas.” Pagkatapos ng panalangin ko, naalala ko si Daniel na itinapon sa yungib ng mga leon. Hindi kinain ng mga leon si Daniel dahil hindi pinahintulutan ng Diyos na saktan siya ng mga ito. Kailangan kong sumampalataya sa Diyos. Ang masasamang pulis na iyon ay nasa mga kamay rin ng Diyos, kaya’t wala silang anumang magagawa sa akin kung hindi iyon pinahintulutan ng Diyos. Dahil hindi pa rin ako nagsasalita, sinigawan ako ng isa sa kanila na nanggagalaiti, “Bubugbugin ka namin hanggang sa mamatay ka sa mismong araw na ito kung hindi ka magsasalita!” Habang sinasabi ito, umatras siya ng ilang hakbang, binilog ang kamao, diretsong sumugod sa akin nang may mabangis na ningning sa mga mata, at isinuntok ang kamao sa mismong dibdib ko. Bumagsak ako sa sahig nang una ang ulo at matagal-tagal na hindi nakahinga. Parang nadurog ang lahat ng lamang-loob at mga buto ko, at parang binunot ng mga plais ang puso ko. Hindi ako naglakas-loob na huminga nang masyadong malalim dahil sa sakit. Nasa sahig ang ulo ko at namawis ang buong katawan ko. Gusto kong mag-iiyak pero hindi ko magawa iyon—pakiramdam ko ay may nakabara sa lalamunan ko. Gusto kong umiyak, pero ayaw tumulo ng mga luha ko. Sa sandaling iyon, pakiramdam ko talaga ay mas mabuti pa ang kamatayan kaysa roon. Nanghina ako, pakiramdam ko ay naabot ko na ang pisikal na hangganan ko, at naisip ko na kung patuloy nila akong bubugbugin nang ganoon, mas makabubuti pang mamatay na lang at matapos na iyon. Tapos ay titigilan na nila ang pagtatanong at pagpapahirap sa akin, at makakalaya na ako. Pinag-isipan kong magsabi ng isang maliit na bagay sa kanila, pero alam ko na kapag pinagbigyan ko sila nang kaunti, sobra-sobra pa ang hihingin nila, at lalo lang nila akong tatanungin nang mas mabagsik. Hindi: Anuman ang mangyari, hindi ko pwedeng pagtaksilan ang mga kapatid at iparanas sa kanila ang ganoong klase ng pagpapahirap. Tahimik akong tumawag para sa proteksyon ng Diyos. Sa sandaling iyon ay malinaw na malinaw na pumasok sa isip ko ang isang siping mula sa mga salita Diyos: “Tungo sa yaong mga hindi nagpakita sa Akin ni katiting na katapatan sa mga panahon ng kapighatian, hindi na Ako magiging maaawain, sapagkat natatakdaan ang abot ng habag Ko. Higit pa rito, wala Akong gugustuhin sa sinumang minsan na Akong ipinagkanulo, mas lalong hindi Ko gustong nakikipag-ugnayan sa yaong mga nagkakanulo sa mga kapakanan ng mga kaibigan nila. Ito ang disposisyon Ko, hindi alintana kung sino man ang taong iyan” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Maghanda ng Sapat na Mabubuting Gawa para sa Iyong Hantungan). Ipinaalala sa akin ng mga salita ng Diyos sa tamang oras na hindi palalagpasin ng Kanyang matuwid na disposisyon ang anumang paglabag ng tao. Nasusuklam ang Diyos, napopoot Siya roon sa mga nagtataksil sa Kanya, at ang ganoong klase ng tao ay magdaranas ng walang hanggang kaparusahan, sa katawan at kaluluwa. Sa lahat ng taon ng aking pananampalataya, natamasa ko nang husto ang pag-ibig ng Diyos at panustos ng Kanyang mga salita, at ngayon na panahon na para tumayo akong saksi para sa Diyos, hindi ba’t hindi naman makatarungan na pagtaksilan ko Siya para sakim akong makakapit sa buhay? Hindi ako magiging karapat-dapat na maging tao! Kaya’t sumumpa ako na kahit mangahulugan iyon ng kamatayan ko, hindi ako magiging isang Judas. Hindi ko pagtataksilan ang Diyos, bagkus ay talagang magbibigay ako ng patotoo!
Noon ay bigla akong sinipa ng masamang kapitan habang sumisigaw siya ng, “Tumayo ka! Huwag kang magpatay-patayan, bwisit!” Pero wala akong lakas para itayo ang sarili ko. Hinila akong patayo ng ilang pulis. Tuliro ako, blangko ang isip ko at umuugong ang ulo ko; napakasakit ng dibdib ko na natatakot akong huminga, at doble ang paningin ko sa paligid. Binabato pa rin nila ako ng mga tanong. Isang bugso ng galit ang bumalot sa akin at tinipon ko ang lahat ng lakas ko para sabihing, “Kung ganoon ay mamamatay na ako! Bugbugin niyo na lang ako hanggang sa mamatay ako!” Natahimik sila sa pagkabigla, bawat isa sa kanila ay nakatitig lang nang blangko sa akin. Alam kong ibinigay sa akin ng Diyos ang bugso ng lakas at lakas ng loob na iyon, at nagpasalamat ako sa Kanya sa aking puso. Ang una nilang plano ay palit-palitan nila akong tatanungin gamit ang pagpapahirap, pero pagkalipas ng alas singko ng hapon ay nakatanggap sila ng tawag mula sa Departamento ng Pampublikong Seguridad ng Probinsya na pinag-uulat sila tungkol sa resulta ng pagtatanong nila, kaya’t itinigil nila ang interogasyon. Sumasandal sa pader, paralisado akong naupo sa sahig, umiiyak sa pagpapasalamat sa Diyos. Ang pag-iingat sa akin ng Diyos ang nagpahintulot sa aking makatagal, kung hindi ay sa pisikal na kalagayan ko, matagal na akong namatay. Pagkatapos, umalis ang mga natitirang pulis maliban sa “maso” na pulis. Tiningnan niya ako at sinabing, “Tita, wala pa akong nasasaktang babae. Ikaw pa lang, at wala sa malalaki’t malalakas na lalaking iyon ang makakatagal sa tatlumpung suntok ko. Alam mo ba kung ilang beses na kitang nasuntok? Lagpas tatlumpung beses na. Wala sa hinagap ko na makakaya iyon ng babaeng nasa edad mo, at wala kang sinabi na kahit isang gusto naming malaman. Isang dekada na akong nasa pulisyang pangkrimen, at wala pa akong kasong nakukuwestyon na tulad mo.” Kinailangan kong magpasalamat sa Diyos nang marinig ko iyon. Ang hindi mamatay sa pambubugbog ay lubos na proteksyon ng Diyos.
Makalipas ang alas siete ng gabing iyon, ibinalik nila ako sa kulungan at binalaan ako, “Pagbalik mo roon ay hinding-hindi mo pwedeng sabihin kahit kanino na sinaktan ka namin. Kapag ginawa mo iyon, sa susunod na kuwestyunin ka namin ay magiging mas malala ang mangyayari.” Habang nagsasalita, kumuha sila ng tuwalya at pinunasan ang alikabok sa pantalon ko, inayos ang damit at buhok ko, at pagkatapos ay gumamit ng basang tuwalya para linisin ang mukha ko. Matapos akong ibalik sa selda, nagsinungaling sila sa mga guwardya, sinabi nilang masama ang pakiramdam ko dahil may umaatake akong sakit sa puso. Galit na galit ako. Talagang kasuklam-suklam sila at walang kahihiyan! Sa selda ko ay humiga ako sa kama ko, hindi makagalaw. Napakasakit ng anit ko na hindi ako naglakas-loob na hawakan ito at wala talaga akong naririnig sa kaliwang tainga ko. Masyadong maga ang bibig ko para ibuka at nangingitim ang mga pisngi ko. Punung-puno ng pasa ang buong katawan ko, ang mga hita ko, at may mga kitang-kitang asul na marka ng kamao sa dibdib ko. Nalinsad ang kaliwang balikat ko, kaya kinailangan ko iyong suportahan ng kanang kamay ko. Nakita sa isang pagsusuri kalaunan na maraming nabaling buto sa dibdib ko at mayroon din akong nabaluktot na gulugod. Natakot akong humiga nang patag at lalo na na umupo mula sa pagkakahiga; parang sinasaksak ng mga piraso ng salamin ang puso at dibdib ko sa paghinga ko nang malalim. Nababawasan nang kaunti ang sakit ng mabagal na pagbuga ng hangin. Nang makita ng doktor ng kulungan na nasa ganoon akong kalagayan, sinabihan niya ang mga presong magbabantay sa gabi na tingnan-tingnan ang ilong ko kada dalawang oras, para makita kung humihinga pa ako. Kapag pumapasok ang mga pulis ng bilangguan tuwing umaga, ang una nilang itinatanong ay kung namatay na ako o hindi pa. Dalawang magkasunod na araw akong hindi kumain o uminom at akala ng lahat ng nasa selda ay imposibleng mabuhay ako. Narinig kong mahinang-mahinang nag-uusap ang dalawang presong nagbabantay sa gabi. Sabi ng isa sa kanila, “Hindi nila siya ipinagagamot ni sinasabihan ang pamilya niya. Palagay ko’y naghihintay lang siya ritong mamatay.” Sabi ng isa, “Sinabi ng pulis ng bilangguan na ang mga mamamatay-tao, arsonista, at babaeng bayaran ay pwedeng magbayad lahat para makalaya, ang mga mananampalataya lang ng Makapangyarihang Diyos ang hindi makalalabas. Ilang araw na lang ang itatagal ng buhay niya.” Napakasama na marinig silang sinasabi ang mga bagay na tulad noon. “Talaga bang mamamatay ako rito sa ganitong paraan? Hindi ko pa rin nakikita ang maluwalhating araw ng Diyos. Kung mamamatay ako sa lugar na ito, hindi iyon malalaman ng mga kapatid, at pati na rin ng anak ko.” Napuno ako ng kalungkutan nang maisip ko ang anak ko, at hindi ko na mapigilang umiyak. Naroon sa bingit ng kamatayan, wala ako ni isang pamilya, ni isang kapatid na katabi. Habang lalo ko iyong iniisip ay mas nasasaktan ako, at ang tanging magagawa ko ay tumawag sa Diyos. Tapos ay narinig kong sinabi ng dalawang preso, “Paano kung mamatay nga talaga siya rito?” Na sinagot ng isa pa, “Kuhanin mo kung aling kobre kama ang pinakamarumi at pinakasira-sira, balutin siya niyon, tapos ay ihagis siya sa isang hukay at ilibing.” Talagang nanghina ang loob ko nang marinig ito. Hindi na ito kinakaya ng katawan ko, at idagdag pa ang matinding emosyonal na paghihirap at kalungkutan, lalo akong nakadama ng pananakit ng puso—pakiramdam ko ay mas mabuti pa ang kamatayan kaysa roon. Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko sa Diyos, kaya’t agad na lang akong tumawag sa Diyos, “Diyos ko, iligtas Mo po ako! Pakiusap tulungan Mo po ako! Bigyan Mo po ako ng pananampalataya at lakas ng loob para mapagtagumpayan ko po ito. O Diyos ko, hindi ko alam kung ano ang mangyayari pagkatapos nito, pero alam ko po na ang buhay at kamatayan ko ay nasa Iyong mga kamay.” Sa sandaling iyon ay biglang pumasok sa isip ko ang isang sipi mula sa mga salita ng Diyos: “Sa mga huling araw na ito ay kailangan ninyong magpatotoo sa Diyos. Gaano man kalaki ang inyong pagdurusa, dapat kayong magpatuloy hanggang sa kahuli-hulihan, at maging sa inyong huling hininga, kailangan pa rin kayong maging tapat sa Diyos at magpasakop sa pagsasaayos ng Diyos; ito lamang ang tunay na pagmamahal sa Diyos, at ito lamang ang malakas at matunog na patotoo” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pagdanas Lamang ng Masasakit na Pagsubok Mo Malalaman ang Pagiging Kaibig-ibig ng Diyos). Talagang lumakas ang loob ko, at pakiramdam ko ay nasa tabi ko ang Diyos Mismo, pinagagaan ang loob ko at hinihikayat akong magpatuloy. Naisip ko rin ang lahat ng banal sa mga kapanahunan na pinatay alang-alang sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ng Diyos, at kahit sa kasalukuyan, napakaraming kapatid ang nagbuwis ng kanilang buhay para ipalaganap ang ebanghelyo ng kaharian ng Diyos. Ang mga kamatayan nila ay may kahulugan at kabuluhan, at inaalala sila ng Diyos. Inaresto ako dahil sa pananampalataya sa Diyos at paggawa ng tungkulin ko. Kahit na usigin ako hanggang sa mamatay ako, alang-alang iyon sa pagiging matuwid at isa iyong maluwalhating bagay. Kung mabuhay o mamatay man ako sa araw na iyon, tatayo akong saksi para sa Diyos, at kahit pa mamatay nga ako, hindi magiging walang kabuluhan ang buhay ko. Sa kaisipang ito ay naging kalmadong-kalmado ako, at hindi na masyadong malungkot o walang magawa. Muli akong nagdasal: “Diyos ko, nagbabadya po ang pangitain ng kamatayan sa aking harapan. Kung darating nga iyon, handa po akong magpasakop sa Iyong mga pagsasaayos. Kung malalagpasan ko ito, gagawin ko pa rin ang tungkulin ng isang nilikha para bigyang-lugod Ka. Ganap kong ibibigay sa Iyo ang aking sarili at magiging dedikado hanggang sa huli.” Nakaramdam ako ng kapayapaan pagkatapos ng panalanging iyon. Hindi na ako napigilan ng mga isipin tungkol sa kamatayan at humupa na rin ang sakit ng katawan ko. Nalagpasan ko ang isang araw sa ganoong paraan, tapos ay ang pangalawang araw, at pagkatapos ay ang pangatlo…. Hindi pa rin ako namamatay! Alam na alam ko sa kaibuturan ko na ang lahat ng ito ay biyaya at proteksyon ng Diyos.
Makalipas ang tatlong araw ay kinuha ako ng mga taong mula sa Pambansang Brigada ng Seguridad para sa karagdagang pagtatanong. Narinig kong tinatawag ng pulis ng bilangguan ang pangalan ko bago pa bumukas ang pinto ng selda. Napakalubha ng kalagayan ko noon, at sa sandaling marinig iyon ng mga preso, lahat sila ay nagsimulang maghiyawan, nagtatayuan at sabay-sabay na nagsisigawan, nagsasabi sila ng mga bagay na tulad ng, “Ganito na ang kalagayan niya pero kukuwestyunin niyo pa siya? Napakalulupit ninyo. Kinukuha ninyo siya para kuwestyunin gayong binugbog na siya hanggang sa magkaganito?” May kulang-kulang animnapung tao roon sa loob, at mahigit sa kalahati sa kanila ang nagsasalita para sa akin, galit na galit. Nagkagulo ang buong selda. Nang makita ito, nagpasya ang mga pulis na huwag na ako kuwestyunin. Naantig ako hanggang sa punto na naluha ako, labis na nagpapasalamat sa proteksyon ng Diyos. Kalaunan, kahit ang pinunong preso ay nagsabing, “Dalawang taon na akong nandito at ngayon lang ako nakakita ng ganoon.” Alam kong gumagawa ang Diyos nang lingid sa kaalaman ng tao para bantayan ako, nagsasaayos ng mga tao, mga pangyayari, at mga bagay para tulungan ako at pahintulutan akong makaiwas sa dagok na iyon. Nagpasalamat ako sa Diyos!
Sa ilang panahon, namimilipit sa sakit ang buong katawan ko na hindi ako makatulog sa gabi, kaya’t pinagninilayan ko ang mga salita ng Diyos. Minsan ay naisip ko ang isang awit na pinamagatang “Ang Pagmamahal ni Pedro sa Diyos” na tungkol sa pagdarasal ni Pedro sa Diyos noong nasa pinakamababang punto siya ng buhay niya: “O Diyos! Kahit anong panahon at saan mang dako, alam Mong lagi Kitang naaalaala. Kahit anong panahon at saan mang dako, batid Mong nais Kitang ibigin, ngunit ang aking tayog ay napakaliit, ako ay masyadong mahina at walang kapangyarihan, ang aking pag-ibig ay masyadong nalilimitahan, at ang aking katapatan sa Iyo ay masyadong maliit. Kung ihahambing sa Iyong pag-ibig, hindi ako nararapat para mabuhay. Nais ko lamang hilingin na ang aking buhay ay hindi mawalan ng kabuluhan, at hindi ko lamang masusuklian ang Iyong pag-ibig, kundi, higit pa rito, maaari kong ilaan sa Iyo ang lahat-lahat nang mayroon ako. Kung mapasasaya Kita, bilang isang nilalang, magkakaroon ako ng payapang isipan at hindi na hihiling nang higit pa. Bagama’t ako ay mahina at walang kapangyarihan ngayon, hindi ko malilimutan ang Iyong mga payo, at hindi ko malilimutan ang Iyong pag-ibig” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol). Labis na nakaaantig ang awiting iyon para sa akin. Sa buong karanasan ng walang awang pagpapahirap, sa tuwing magdarasal at sasandig ako sa Diyos kapag nanghihina at nasasaktan ako, binibigyang-liwanag at pinapatnubayan Niya ako ng Kanyang mga salita at nagbubukas Siya ng daan palabas para sa akin. Nanatili ang Diyos sa tabi ko, binabantayan at pinuprotektahan ako. Ipinakita sa akin ng pagdanas ng ganoong klase ng kapaligaran ang walang hanggang kapangyarihan at pamamahala ng Diyos, at pagkatapos ay lumago ang pananampalataya ko sa Diyos. Tunay ko ring nakita ang malademonyong diwa ng paglaban sa Diyos at pagwasak sa mga tao ng malaking pulang dragon—taos-puso ko itong tinanggihan at tinalikuran, at ibinaling ang puso ko sa Diyos. Iniligtas ako ng Diyos mula sa mga pwersa ni Satanas sa praktikal na mga paraan. Puno ng pagpapasalamat sa Diyos, ipinagdasal ko na mabuhay o mamatay man ako, nakahanda akong ibigay ang buong buhay ko sa Kanya at tanggapin kung anuman ang isaayos Niya. Kahit na mangahulugan iyon ng kamatayan ko, susunod ako sa Diyos hanggang sa pinakawakas! Mula sa sandaling iyon, nararamdaman ko sa kaibuturan ng aking puso na makakaya kong wala ang lahat—ang hindi ko makakaya ay ang mapalayo sa Diyos. Habang pinag-iisipan ko ang mga salita ng Diyos, nadarama kong napapalapit ang puso ko sa Kanya. Sa ilalim ng pag-aalaga at proteksyon ng Diyos, napakabilis na humupa ng pamamaga ng mga sugat ko, hindi na ganoon kasakit ang puso ko kapag humihinga ako, at pagkalipas ng isang linggo ay nakalalakad na ako sa pamamagitan ng pagkapit ko sa pader. Namangha ang lahat ng nasa kulungan, sinasabing, “Tingnan ninyo iyan, malamang ay sa tunay na Diyos siya sumasampalataya!” Alam kong ang lahat ng iyon ay dahil sa malakas na kapangyarihan ng Diyos, at ibinalik Niya ako mula sa bingit ng kamatayan at binigyan ng ikalawang buhay. Taos-puso akong nagpasalamat sa pagliligtas ng Diyos sa akin!
Makalipas ang apat na buwang pagkakakulong sa bilangguan, sinintensyahan ako ng Partido Komunista ng isang taon ng muling pagtuturo sa pamamagitan ng pagtatrabaho dahil sa paggambala sa kaayusan ng lipunan. Nang palabasin na ako, binalaan ako ng mga pulis, “Kung maaaresto ka dahil sa iba pang aktibidad ng relihiyon, mabigat ang sintensyang makukuha mo.” Pero hindi nila ako napigilan. Nagdasal ako sa Diyos sa aking puso, “Gaano man katinding paniniil o paghihirap ang harapin ko pagkatapos nito, susunod ako sa Iyo magpakailanman!”