C. Mga Babala ng Diyos sa Tao

644. Pinakakatawa-tawang mga tao sa mundo yaong mga nagnanais na makamit ang buhay nang hindi umaasa sa katotohanang sinabi ni Cristo, at mga ligaw sa guni-guni yaong mga hindi tinatanggap ang daan ng buhay na dinala ni Cristo. Kaya naman sinasabi Ko na magpakailanmang kamumuhian ng Diyos yaong mga taong hindi tinatanggap si Cristo ng mga huling araw. Si Cristo ang pasukan ng tao patungo sa kaharian sa mga huling araw, at walang sinuman ang makalalampas sa Kanya. Walang sinuman ang maaaring gawing perpekto ng Diyos kundi sa pamamagitan ni Cristo lamang. Naniniwala ka sa Diyos, at sa gayon dapat mong tanggapin ang Kanyang mga salita at sundin ang Kanyang daan. Hindi mo maaaring isipin lamang ang magkamit ng mga pagpapala habang wala kang kakayahang tumanggap ng katotohanan at walang kakayahang tumanggap ng paglalaan ng buhay. Darating si Cristo sa mga huling araw upang mabigyan ng buhay lahat yaong mga tunay na naniniwala sa Kanya. Alang-alang sa pagtatapos ng lumang kapanahunan at ang pagpasok sa bago ang Kanyang gawain, at ito ang landas na dapat tahakin ng yaong lahat ng mga papasok sa bagong kapanahunan. Kung wala kang kakayahang kilalanin Siya, at sa halip pinarurusahan, nilalapastangan, o inuusig din Siya, kung gayon nakatadhana kang masunog nang walang-hanggan at hindi kailanman makapapasok sa kaharian ng Diyos. Dahil ang Cristong ito ang Mismong pagpapahayag ng Banal na Espiritu, ang pagpapahayag ng Diyos, ang Siyang pinagkatiwalaan ng Diyos na gawin ang Kanyang gawain sa lupa. Kaya naman sinasabi Ko na kung hindi mo tatanggapin ang lahat ng ginagawa ni Cristo ng mga huling araw, kung gayon nilalapastangan mo ang Banal na Espiritu. Maliwanag sa lahat ang ganting matatanggap ng yaong mga lumalapastangan sa Banal na Espiritu. Sinasabi Ko rin sa iyo na kapag nilalabanan mo si Cristo ng mga huling araw, kung tatanggihan mo nang may paghamak si Cristo ng mga huling araw, wala nang sinuman ang makapagpapasan sa mga kahihinatnan alang-alang sa iyo. Higit pa rito, simula sa araw na ito at sa mga susunod pa hindi ka magkakaroon ng isa pang pagkakataong makamit ang pagsang-ayon ng Diyos; kahit na subukin mo pang tubusin ang sarili mo, hindi mo muling mapagmamasdan ang mukha ng Diyos. Sapagkat hindi isang tao ang nilalabanan mo, hindi isang mahinang nilalang ang tinatanggihan mo nang may paghamak, kundi si Cristo. Alam mo ba ang kahihinatnan nito? Hindi isang maliit na pagkakamali ang magagawa mo, kundi isang karumal-dumal na krimen. Kaya naman pinapayuhan Ko ang lahat na huwag ilabas ang mga pangil ninyo sa harap ng katotohanan, o gumawa ng bulagsak na mga pamumuna, dahil ang katotohanan lamang ang makapagdadala sa iyo ng buhay, at wala kundi ang katotohanan ang makapagpapahintulot na muli kang isilang at mapagmasdang muli ang mukha ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging si Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan

645. Nagtitiwala kami na walang bansa o kapangyarihan ang maaaring pumigil sa kung ano ang nais ng Diyos na makamit. Ang mga humahadlang sa gawain ng Diyos, lumalaban sa salita ng Diyos at nanggugulo at sumisira sa plano ng Diyos ay parurusahan ng Diyos sa huli. Siya na lumalabag sa gawain ng Diyos ay ipadadala sa impiyerno; anumang bayan na sumusuway sa gawain ng Diyos ay wawasakin; anumang bansa na tumututol sa gawain ng Diyos ay mabubura sa daigdig na ito, at titigil sa pag-iral. Hinihikayat Ko ang mga tao ng lahat ng bansa, lahat ng bayan, at maging lahat ng industriya na makinig sa tinig ng Diyos, masdan ang gawain ng Diyos at bigyang-pansin ang kapalaran ng sangkatauhan, upang maitakda ang Diyos na pinakabanal, pinaka-kagalang-galang, pinakamataas, at tanging pag-uukulan ng pagsamba ng sangkatauhan, at magbigay-daan sa buong sangkatauhan upang mamuhay sa ilalim ng pagpapala ng Diyos, tulad ng mga inapo ni Abraham na namuhay sa ilalim ng pangako ni Jehova, at tulad nina Adan at Eba, na orihinal na ginawa ng Diyos, na namuhay sa Hardin ng Eden.

Ang gawain ng Diyos ay sumusulong tulad ng rumaragasang alon. Walang sinuman ang maaaring pumigil sa Kanya, at wala ni isang maaaring magpahinto sa Kanyang mga yapak. Tanging ang mga taong nakikinig nang mabuti sa Kanyang mga salita, at mga taong naghahanap at nauuhaw sa Kanya, ang maaaring sumunod sa Kanyang mga yapak at makatanggap ng Kanyang pangako. Ang mga tao namang hindi ay sasailalim sa napakalaking kapahamakan at karapat-dapat sa kaparusahan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 2: Ang Diyos ang Namumuno sa Kapalaran ng Buong Sangkatauhan

646. Hinahanap ng Diyos ang mga taong nag-aasam na Siya’y magpakita. Hinahanap Niya sila na may-kakayahang makinig sa Kanyang mga salita, mga hindi nakalimot sa Kanyang tagubilin, at naghahandog ng kanilang puso at katawan sa Kanya. Hinahanap Niya ang mga kasing masunurin ng mga bata sa Kanyang harapan, at hindi Siya kakalabanin. Kung ilalaan mo ang iyong sarili sa Diyos, hindi nahahadlangan ng anumang kapangyarihan o puwersa, titingnan ka ng Diyos nang may pabor at ipagkakaloob sa iyo ang Kanyang mga pagpapala. Kung ikaw ay may mataas na katayuan, may marangal na reputasyon, may saganang kaalaman, nagmamay-ari ng napakaraming ari-arian, at suportado ng maraming tao, subalit hindi ka napipigilan ng mga bagay na ito na humarap sa Diyos upang tanggapin ang Kanyang pagtawag at ang Kanyang tagubilin, at gawin kung ano ang hinihingi ng Diyos sa iyo, ang lahat ng iyong ginagawa ay magiging pinakamakabuluhan sa lupa at pinakamatuwid na gawain ng sangkatauhan. Kung tatanggihan mo ang tawag ng Diyos para sa kapakanan ng katayuan at sarili mong mga layunin, lahat ng iyong gagawin ay susumpain at kamumuhian pa ng Diyos. Maaaring ikaw ay isang presidente, isang siyentipiko, isang pastor, o isang nakatatandang pinuno, ngunit gaano pa man kataas ang iyong katungkulan, kung umaasa ka sa iyong kaalaman at kakayahan sa iyong mga ginagawa, ikaw ay palaging magiging bigo, at palaging mawawalan ng pagpapala ng Diyos, sapagkat hindi tinatanggap ng Diyos ang anumang ginagawa mo, at hindi Niya kinikilala na ang iyong ginagawa ay matuwid, o kaya ay tinatanggap na ikaw ay kumikilos para sa kapakinabangan ng sangkatauhan. Sasabihin Niya na ang lahat ng bagay na ginagawa mo ay para sa paggamit ng kaalaman at lakas ng sangkatauhan upang ilayo sa tao ang pag-iingat ng Diyos, at na ginagawa ito upang itatwa ang mga pagpapala ng Diyos. Sasabihin Niya na dinadala mo ang sangkatauhan patungo sa kadiliman, patungo sa kamatayan, at patungo sa simula ng isang pag-iral na walang limitasyon kung saan hindi matatagpuan ng tao ang Diyos at ang Kanyang pagpapala.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 2: Ang Diyos ang Namumuno sa Kapalaran ng Buong Sangkatauhan

647. Nais ba ninyong malaman ang pinag-ugatan ng pagkontra ng mga Fariseo kay Jesus? Nais ba ninyong malaman ang diwa ng mga Fariseo? Puno sila ng mga pantasya tungkol sa Mesiyas. Bukod pa riyan, naniwala lamang sila na darating ang Mesiyas, subalit hindi nila pinagsisikapan ang buhay katotohanan. Kaya nga, kahit ngayon ay hinihintay pa rin nila ang Mesiyas, sapagkat wala silang kaalaman tungkol sa landas ng buhay, at hindi nila alam kung ano ang landas ng katotohanan. Paano ninyo nasasabi na matatamo ng gayon kahangal, katigas ang ulo at kamangmang na mga tao ang pagpapala ng Diyos? Paano nila mamamasdan ang Mesiyas? Kinalaban nila si Jesus dahil hindi nila alam ang direksyon ng gawain ng Banal na Espiritu, dahil hindi nila alam ang landas ng katotohanang binanggit ni Jesus, at, bukod pa riyan, dahil hindi nila naunawaan ang Mesiyas. At dahil hindi pa nila nakita ang Mesiyas kailanman at hindi pa nila nakasama ang Mesiyas kailanman, nagawa nila ang pagkakamali na kumapitlamang sa pangalan ng Mesiyas habang kinakalaban ang diwa ng Mesiyas sa lahat ng posibleng paraan. Ang diwa ng mga Fariseong ito ay mga sutil, mayabang, at hindi sumunod sa katotohanan. Ang prinsipyo ng kanilang paniniwala sa Diyos ay: Gaano man kalalim ang pangangaral Mo, gaano man kataas ang Iyong awtoridad, hindi Ikaw si Cristo maliban kung Ikaw ang tinatawag na Mesiyas. Hindi ba katawa-tawa at kakatwa ang paniniwalang ito? Tinatanong Ko pa kayo: Hindi ba napakadali para sa inyo ang gawin ang mga pagkakamali ng mga sinaunang Fariseo, yamang wala kayo ni katiting na pagkaunawa kay Jesus? Kaya mo bang mahiwatigan ang daan ng katotohanan? Talaga bang magagarantiyahan mo na hindi mo kinalaban si Cristo? Nagagawa mo bang sundan ang gawain ng Banal na Espiritu? Kung hindi mo alam kung kinalaban mo si Cristo, sinasabi Ko na nabubuhay ka na sa bingit ng kamatayan. Yaong mga hindi nakakilala sa Mesiyas ay may kakayahang lahat na kinalaban si Jesus, na tanggihan si Jesus, na siraan Siya. Lahat ng taong hindi nakakaunawa kay Jesus ay kaya Siyang itatwa at laitin. Bukod pa riyan, kaya nilang ituring na panlilinlang ni Satanas ang pagbalik ni Jesus, at mas maraming tao ang huhusga kay Jesus na nagbalik sa katawang-tao. Hindi ba kayo natatakot sa lahat ng ito? Ang kinakaharap ninyo ay magiging kalapastanganan sa Banal na Espiritu, pagwasak ng mga salita ng Banal na Espiritu sa mga iglesia, at pagtanggi sa lahat ng ipinapahayag ni Jesus. Ano ang mapapala ninyo kay Jesus kung litung-lito kayo? Paano ninyo mauunawaan ang gawain ni Jesus kapag bumalik Siya sa katawang-tao sakay ng puting ulap, kung nagmamatigas kayong huwag kilalanin ang inyong mga pagkakamali? Sinasabi Ko ito sa inyo: Ang mga taong hindi tumatanggap ng katotohanan, subalit pikit-matang naghihintay sa pagdating ni Jesus sakay ng puting mga ulap, ay tiyak na lalapastangan sa Banal na Espiritu, at sila ang kategoryang pupuksain. Hinahangad lamang ninyo ang biyaya ni Jesus, at nais lamang ninyong tamasahin ang napakaligayang dako ng langit, subalit hindi pa naman ninyo nasunod kailanman ang mga salitang sinambit ni Jesus, at hindi pa ninyo natanggap kailanman ang katotohanang ipinahayag ni Jesus nang bumalik Siya sa katawang-tao. Ano ang panghahawakan ninyo bilang kapalit ng katunayan ng pagbalik ni Jesus sakay ng puting ulap? Ang kataimtiman ba ninyo sa paulit-ulit na paggawa ng mga kasalanan, at pagkatapos ay pangungumpisal ng mga iyon, nang paulit-ulit? Ano ang iaalay ninyong sakripisyo kay Jesus na nagbabalik sakay ng puting ulap? Ang mga taon ba ng paggawa kung saan dinadakila ninyo ang inyong sarili? Ano ang panghahawakan ninyo para pagkatiwalaan kayo ng nagbalik na si Jesus? Ang inyo bang likas na kayabangan, na hindi sumusunod sa anumang katotohanan?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kapag Namasdan Mo Na ang Espirituwal na Katawan ni Jesus, Napanibago na ng Diyos ang Langit at Lupa

648. Sinasabi Ko sa inyo, yaong mga naniniwala sa Diyos dahil sa mga tanda ay tiyak na nasa kategorya ng mga pupuksain. Yaong mga walang kakayahang tanggapin ang mga salita ni Jesus na nagbalik sa katawang-tao ay tiyak na mga anak ng impiyerno, mga inapo ng arkanghel, ang kategoryang isasailalim sa walang-hanggang pagkalipol. Maraming taong walang pakialam sa sinasabi Ko, ngunit nais Ko pa ring sabihin sa bawat tinatawag na banal na sumusunod kay Jesus na, kapag nakita ng sarili ninyong mga mata si Jesus na bumababa mula sa langit sakay ng puting ulap, ito ang magiging pagpapakita sa publiko ng Araw ng katuwiran. Marahil ay magiging panahon iyon ng matinding katuwaan sa iyo, subalit dapat mong malaman na ang sandali na nasasaksihan mong bumababa si Jesus mula sa langit ay ang sandali rin ng pagbaba mo sa impiyerno para maparusahan. Iyon ang magiging panahon ng pagwawakas ng plano ng pamamahala ng Diyos at gagantimpalaan ng Diyos ang mabubuti at parurusahan ang masasama. Sapagkat magwawakas na ang paghatol ng Diyos bago pa makakita ng mga tanda ang tao, kung kailan mayroon lamang pagpapahayag ng katotohanan. Yaong mga tumatanggap sa katotohanan at hindi naghahanap ng mga tanda, at sa gayon ay napadalisay na, ay nakabalik na sa harap ng luklukan ng Diyos at nakapasok na sa yakap ng Lumikha. Yaon lamang mga nagpupumilit sa paniniwala na “Ang Jesus na hindi nakasakay sa puting ulap ay isang huwad na Cristo” ang sasailalim sa walang-hanggang kaparusahan, sapagkat naniniwala lamang sila sa Jesus na nagpapakita ng mga tanda, ngunit hindi kinikilala ang Jesus na nagpapahayag ng matinding paghatol at nagpapakawala ng tunay na landas at buhay. Kaya nga maaari lamang silang harapin ni Jesus kapag hayagan Siyang nagbabalik sakay ng puting ulap. Masyado silang sutil, masyadong tiwala sa kanilang sarili, masyadong mayabang. Paano gagantimpalaan ni Jesus ang gayon kababang-uri? Ang pagbabalik ni Jesus ay isang dakilang kaligtasan para sa mga may kakayahang tanggapin ang katotohanan, ngunit para sa mga hindi nagagawang tanggapin ang katotohanan ito ay isang tanda ng paghatol. Dapat ninyong piliin ang sarili ninyong landas, at hindi ninyo dapat lapastanganin ang Banal na Espiritu at tanggihan ang katotohanan. Hindi kayo dapat maging mangmang at mayabang, kundi isang taong sumusunod sa patnubay ng Banal na Espiritu at nananabik at naghahanap sa katotohanan; sa ganitong paraan lamang kayo makikinabang. Pinapayuhan Ko kayo na tahakin nang maingat ang landas ng paniniwala sa Diyos. Huwag kayong magsalita nang patapos; bukod pa riyan, huwag kayong maging kaswal at walang-ingat sa inyong paniniwala sa Diyos. Dapat ninyong malaman na, kahit paano, yaong mga naniniwala sa Diyos ay dapat maging mapagpakumbaba at mapitagan. Yaong mga nakarinig sa katotohanan subalit minamaliit ito ay mga hangal at mangmang. Yaong mga nakarinig sa katotohanan subalit walang-ingat na nagsasalita nang patapos o hinuhusgahan ito ay puno ng kayabangan. Walang sinumang naniniwala kay Jesus ang may karapatang sumpain o husgahan ang iba. Lahat kayo ay dapat magkaroon ng katinuan at maging mga taong tumatanggap sa katotohanan. Marahil, matapos marinig ang daan ng katotohanan at marinig ang salita ng buhay, naniniwala ka na isa lamang sa 10,000 ng mga salitang ito ang naaayon sa iyong mga paniniwala at sa Biblia, at sa gayon ay dapat kang patuloy na maghanap sa ika-10,000 ng mga salitang ito. Pinapayuhan pa rin kita na maging mapagpakumbaba, huwag kang masyadong tiwala sa sarili, at huwag kang masyadong magmalaki. Sa kaunting pagpipitagang taglay mo sa puso mo para sa Diyos, magtatamo ka ng higit na liwanag. Kung sinusuri mong mabuti at paulit-ulit na pinagbubulayan ang mga salitang ito, mauunawaan mo kung katotohanan ang mga iyon o hindi, at kung ang mga iyon ay buhay o hindi. Marahil, dahil iilang pangungusap lamang ang nabasa, pikit-matang huhusgahan ng ilang tao ang mga salitang ito, na sinasabing, “Kaunting kaliwanagan lamang ito mula sa Banal na Espiritu,” o, “Huwad na Cristo ito na naparito upang linlangin ang mga tao.” Yaong mga nagsasabi ng gayong mga bagay ay nabubulagan ng kamangmangan! Kakaunti ang nauunawaan mo tungkol sa gawain at karunungan ng Diyos, at pinapayuhan kita na magsimulang muli sa wala! Huwag ninyong pikit-matang husgahan ang mga salitang ipinahayag ng Diyos dahil sa paglitaw ng mga huwad na Cristo sa mga huling araw, at huwag kayong maging isang taong lumalapastangan sa Banal na Espiritu dahil natatakot kayong malinlang. Hindi ba kaawa-awa naman iyon? Kung, matapos ang maraming pagsusuri, naniniwala ka pa rin na ang mga salitang ito ay hindi ang katotohanan, hindi ang daan, at hindi pagpapahayag ng Diyos, sa huli ay parurusahan ka, at mawawalan ka ng mga pagpapala. Kung hindi mo matatanggap ang katotohanang iyon na sinambit nang napakaliwanag at napakalinaw, hindi ba hindi ka akma sa pagliligtas ng Diyos? Hindi ba isa kang taong hindi sapat na pinagpalang makabalik sa harap ng luklukan ng Diyos? Pag-isipan mo ito! Huwag kang padalus-dalos at mapusok, at huwag mong ituring na laro ang paniniwala sa Diyos. Mag-isip ka alang-alang sa iyong patutunguhan, alang-alang sa iyong mga inaasam, alang-alang sa iyong buhay, at huwag kang maglaro sa sarili mo. Matatanggap mo ba ang mga salitang ito?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kapag Namasdan Mo Na ang Espirituwal na Katawan ni Jesus, Napanibago na ng Diyos ang Langit at Lupa

649. Gagamitin ng Cristo ng mga huling araw ang katotohanan upang turuan ang mga tao sa buong mundo at ipaalam ang lahat ng katotohanan sa kanila. Ito ang gawain ng paghatol ng Diyos. Maraming may di-kasiya-siyang damdamin tungkol sa ikalawang pagkakatawang-tao ng Diyos, dahil mahirap para sa tao na paniwalaan na ang Diyos ay magkakatawang-tao upang gawin ang paghatol. Gayunpaman, kailangang sabihin Ko sa iyo na kadalasan ang gawain ng Diyos ay lumalampas nang labis sa mga inaasahan ng tao at mahirap para sa mga isipan ng mga tao na tanggapin. Sapagka’t ang mga tao ay mga uod lamang sa lupa, samantalang ang Diyos ay ang kataas-taasang Isa na pumupuno sa sansinukob; ang isipan ng tao ay katulad lamang ng isang balon ng maruming tubig na nagbubunga lamang ng mga uod, samantalang ang bawat yugto ng gawain na pinapatnubayan ng mga kaisipan ng Diyos ay ang bunga ng karunungan ng Diyos. Palaging hinahangad ng tao na makipaglaban sa Diyos, kung saan ay sinasabi Ko na hayag na hayag kung sino ang magdurusa ng kawalan sa katapusan. Ipinapayo Ko sa inyong lahat na huwag ninyong ipalagay ang inyong mga sarili na mas mahalaga kaysa ginto. Kung kaya ng iba na tanggapin ang paghatol ng Diyos, bakit hindi mo kaya? Gaano ka na ba kataas kaysa iba? Kung kaya ng iba na magyuko ng ulo sa harap ng katotohanan, bakit hindi mo rin magawa ang ganoon? Ang gawain ng Diyos ay mayroong hindi-mahahadlangang bilis ng pagtakbo. Hindi na Niya uulitin ang gawain ng paghatol dahil lang sa “kontribusyon” na nagawa mo, at labis kang magsisisi dahil pinalagpas mo ang gayon kagandang pagkakataon. Kung hindi mo pinaniniwalaan ang Aking mga salita, kung gayon maghintay ka na lamang sa malaking puting luklukan sa langit na magpasa ng paghatol sa iyo! Kailangang malaman mo na lahat ng Israelita ay tinanggihan at itinatwa si Jesus, gayunman ang katunayan ng pagtubos ni Jesus sa sangkatauhan ay umabot pa rin sa buong sansinukob at hanggang sa mga dulo ng mundo. Hindi ba ito isang realidad na matagal nang ginawa ng Diyos? Kung naghihintay ka pa rin kay Jesus na dalhin ka paakyat sa langit, kung gayon ay sinasabi Ko na isa kang sutil na piraso ng tuyong kahoy.[a] Hindi kikilalanin ni Jesus ang isang huwad na tagasunod na kagaya mo, na hindi tapat sa katotohanan at naghahangad lamang ng mga biyaya. Sa kabaligtaran, hindi Siya magpapakita ng awa sa paghahagis sa iyo sa lawa ng apoy upang masunog sa loob ng sampu-sampung libong taon.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan

650. Nilikha ng Diyos ang mundong ito, nilikha Niya ang sangkatauhang ito, at bukod dito, Siya ang arkitekto ng sinaunang kulturang Griyego at sibilisasyon ng tao. Ang Diyos lamang ang umaaliw sa sangkatauhang ito, at ang Diyos lamang ang nagmamalasakit sa sangkatauhang ito gabi’t araw. Ang pag-unlad at paglago ng tao ay hindi mapaghihiwalay mula sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at ang kasaysayan at hinaharap ng sangkatauhan ay hindi mailalabas mula sa mga disenyo ng Diyos. Kung ikaw ay isang tunay na Kristiyano, ikaw ay tiyak na maniniwala na ang pagbangon at pagbagsak ng anumang bayan o bansa ay nangyayari ayon sa mga disenyo ng Diyos. Diyos lamang ang nakakaalam sa kapalaran ng isang bayan o bansa, at Diyos lamang ang namamahala sa landasin ng sangkatauhang ito. Kung ang sangkatauhan ay nais na magkaroon ng isang magandang kapalaran, kung ang isang bayan ay nais na magkaroon ng isang magandang kapalaran, ang tao ay dapat na yumuko sa Diyos sa pagsamba, magsisi at mangumpisal sa harap ng Diyos, at kung hindi, ang magiging kapalaran at hantungan ng tao ay isang hindi maiiwasang sakuna.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 2: Ang Diyos ang Namumuno sa Kapalaran ng Buong Sangkatauhan

651. Para sa kapakanan ng kapalaran ninyo, dapat ninyong hanapin ang pagsang-ayon ng Diyos. Ibig sabihin, yamang kinikilala ninyong kasapi kayo ng tahanan ng Diyos, sa gayon ay dapat kayong magdala ng kapayapaan ng isip sa Diyos at magbigay-lugod sa Kanya sa lahat ng bagay. Sa madaling salita, dapat kayong maging maprinsipyo sa mga kilos ninyo at sumunod sa katotohanang nasa mga iyon. Kung hindi mo ito maiintindihan, kamumuhian at tatanggihan ka ng Diyos at itatakwil ka ng bawat tao. Kapag nahulog ka sa gayong kalagayan, kung gayon ay hindi ka na mabibilang sa tahanan ng Diyos, na siya mismong kahulugan ng hindi pagsang-ayon ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tatlong Paalaala

652. Maaaring payak ang Aking mga hinihingi, ngunit ang sinasabi Ko sa inyo ay hindi kasimpayak ng isa dagdag isa ay dalawa. Kung ang ginagawa lamang ninyo ay basta pag-usapan ito, o magsalita nang magsalita tungkol sa mga hungkag at tila mahalagang mga pahayag, ang inyong mga plano at ang inyong mga hangarin ay magiging isang pahinang walang laman na lamang magpakailanman. Hindi Ako makararamdam ng habag sa inyo na nagdurusa sa loob ng maraming taon at nagpapakasipag nang husto sa paggawa ngunit wala namang napapala. Taliwas dito, papatawan Ko ng kaparusahan, hindi ng pabuya at lalong hindi ng simpatya, yaong mga hindi nakatugon sa Aking mga hinihingi. Maipalalagay ninyo marahil, bilang isang tagasunod sa maraming taon, na masipag na kayong gumawa anuman ang mangyari, at dapat kayong pagkalooban ng isang mangkok ng kanin sa tahanan ng Diyos bilang tagapaglingkod. Sasabihin Ko na ang karamihan sa inyo ay nag-iisip sa ganitong paraan, dahil lagi na lamang ninyong sinusunod ang prinsipyo ng kung paano sasamantalahin ang mga bagay at hindi mapagsasamantalahan. Kaya’t sinasabi Ko sa inyo ngayon nang may lubos na pagkaseryoso: Wala Akong pakialam kung gaano man kapuri-puri ang iyong kasipagan, kung gaano man kahanga-hanga ang iyong mga kakayahan, kung gaano mo man kahigpit Akong sinusunod, kung gaano ka man kabantog, o kung gaano mo man pinabuti ang iyong pag-uugali; hangga’t hindi mo natutugunan ang Aking mga hinihingi, hindi mo kailanman makakamit ang Aking papuri. Iwaksi mo na sa lalong madaling panahon ang lahat ng iyong kaisipan at mga pagtataya at simulang seryosohin ang Aking mga hinihingi; kung hindi, gagawin Kong abo ang lahat ng tao nang sa gayon ay mawakasan na ang Aking gawain at, sa pinakamalala ay ipawalang-saysay ang Aking mga taon ng paggawa at pagdurusa, sapagkat hindi Ko madadala ang Aking mga kaaway at yaong mga tao na umaalingasaw sa kasamaan at may anyo ni Satanas sa Aking kaharian o dalhin sila sa susunod na kapanahunan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Paglabag ay Magdadala sa Tao sa Impiyerno

653. Ngayon ang panahon kung kailan ang Aking Espiritu ay gumagawa ng dakilang gawain, at ang panahon na sinisimulan Ko ang Aking gawain sa mga bansang Gentil. Higit pa riyan, ito ang panahon na pinagbubukud-bukod Ko ang lahat ng nilalang, inilalagay ang bawat isa sa kanya-kanyang kaukulang uri, upang ang Aking gawain ay maaaring magpatuloy nang mas mabilis at mas mabisa. At kaya nga, ang Aking hinihingi pa rin sa inyo ay ang ialay mo ang iyong buong pagkatao para sa lahat ng Aking gawain, at, higit pa, na malinaw mong mabatid at tiyakin ang lahat ng gawaing Aking nagawa na sa iyo, at ibuhos ang lahat ng iyong lakas tungo sa Aking gawain nang ito ay maging mas mabisa. Ito ang dapat mong maunawaan. Tigilan ang pakikipaglaban sa isa’t isa, ang paghahanap ng daang pabalik, o paghahabol sa mga kaaliwan ng laman, na makakaantala sa Aking gawain at sa iyong magandang kinabukasan. Ang paggawa ng gayon, sa halip na pangalagaan ka, ay magdudulot sa iyo ng kapahamakan. Hindi ba kahangalan ito para sa iyo? Iyang buong pag-iimbot mong kinahuhumalingan ngayon ay ang mismong bagay na sumisira sa iyong kinabukasan, samantalang ang sakit na iyong pinagdurusahan ngayon ay ang mismong bagay na nangangalaga sa iyo. Dapat mong malinaw na malaman ang mga bagay na ito, upang maiwasang mabiktima ng mga tukso kung saan mahihirapan kang makawala, at iwasang mangapa sa makapal na hamog at hindi makita ang araw. Kapag nahawi ang makapal na hamog, masusumpungan mo ang iyong sarili na nasa paghatol ng dakilang araw. Sa panahong iyon, ang Aking araw ay papalapit na sa sangkatauhan. Paano mo tatakasan ang Aking paghatol? Paano mo matitiis ang nakakapasong init ng araw? Kapag ipinagkakaloob Ko ang Aking kasaganaan sa tao, hindi niya ito pinahahalagahan sa kanyang dibdib, bagkus ay isinasantabi ito sa isang lugar kung saan walang makapapansin dito. Kapag bumaba na ang Aking araw sa tao, hindi na niya matutuklasan ang Aking kasaganaan, o masusumpungan ang mapapait na salita ng katotohanang Aking sinabi sa kanya matagal na panahon na ang nakalilipas. Siya ay tatangis at iiyak, sapagka’t nawala na sa kanya ang ningning ng liwanag at nahulog na siya sa kadiliman. Ang inyong nakikita ngayon ay ang matalim na espada lamang ng Aking bibig. Hindi pa ninyo nakikita ang tungkod sa Aking kamay o ang ningas na ipinansusunog Ko sa tao, at kaya kayo ay mapagmalaki at mapagmalabis pa rin sa Aking presensya. Kaya nga nakikipaglaban pa rin kayo sa Akin sa Aking tahanan, pinasusubalian ng dila ng tao yaong sinabi ng Aking bibig. Ang tao ay hindi natatakot sa Akin, at bagaman patuloy siyang nakikipag-away sa Akin hanggang ngayon, wala pa rin siyang takot man lamang. Mayroon kayong dila at mga ngipin ng mga taong di-matuwid sa inyong mga bibig. Ang inyong mga salita at gawa ay katulad niyaong sa ahas na tumukso kay Eba na magkasala. Hinihingi ninyo sa isa’t isa ang mata para sa mata at ngipin para sa ngipin, at nagtutunggali kayo sa Aking presensya para mag-agawan ng puwesto, katanyagan, at pakinabang para sa inyong mga sarili, nguni’t hindi ninyo nalalaman na palihim Kong pinagmamasdan ang inyong mga salita at gawa. Bago pa man kayo makarating sa Aking presensya, natunugan Ko na ang kaibuturan ng inyong mga puso. Ang tao ay palaging nag-aasam na tumakas sa pagkakahawak ng Aking kamay at iwasan ang pagmamasid ng Aking mga mata, nguni’t hindi Ako kailanman umilag sa kanyang mga salita o gawa. Sa halip, sadya Kong hinahayaan ang mga salita at gawang yaon na makita ng Aking mga mata, upang maaari Kong kastiguhin ang kasamaan ng tao at ipatupad ang paghatol sa kanyang paghihimagsik. Kaya nga, ang lihim na mga salita at gawa ng tao ay laging nananatili sa harapan ng Aking luklukan ng paghatol, at ang Aking paghatol ay hindi kailanman naalis sa tao, sapagka’t labis ang kanyang paghihimagsik. Ang Aking gawain ay ang sunugin at dalisayin ang lahat ng salita at gawa ng tao na binigkas at ginawa sa presensya ng Aking Espiritu. Sa ganitong paraan,[b] kapag nilisan Ko na ang daigdig, mapapanatili pa rin ng mga tao ang kanilang katapatan sa Akin, at maglilingkod pa rin sa Akin gaya ng ginagawa ng Aking mga banal na lingkod sa Aking gawain, na nagtutulot sa Aking gawain sa daigdig na magpatuloy hanggang sa araw na maging ganap ito.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ay ang Gawain Din ng Pagliligtas sa Tao

654. Sa lupa, lahat ng uri ng masasamang espiritu ay walang-tigil sa paggala sa paghahanap ng mapagpapahingahan, at walang-hinto sa paghahanap ng mga bangkay ng mga tao na maaaring lamunin. Aking mga tao! Kailangan kayong manatili sa loob ng Aking pagmamahal at proteksyon. Huwag magpakasama kailanman! Huwag kumilos nang walang-ingat kailanman! Dapat mong ialay ang iyong katapatan sa Aking tahanan, at sa katapatan mo lamang malalabanan ang panlilinlang ng diyablo. Anuman ang mangyari, hindi ka dapat kumilos na tulad noong araw, na gumagawa ng isang bagay sa Aking harapan at ng iba naman sa Aking likuran; kung kikilos ka sa ganitong paraan, hindi ka na puwedeng matubos. Hindi ba higit pa sa sapat ang nabigkas Kong mga salita na tulad ng mga ito? Ito ay dahil mismo sa hindi maitama ang dating likas na pagkatao ng sangkatauhan kaya kinailangan Kong paulit-ulit na paalalahanan ang mga tao. Huwag mainip! Lahat ng sinasabi Ko ay alang-alang sa pagtiyak ng inyong tadhana! Isang mabaho at maruming lugar ang kailangan mismo ni Satanas; kapag mas hindi na kayo matutubos pa at mas nagpakasama kayo, at ayaw ninyong magpasaway, mas magkakaroon ng pagkakataon ang maruruming espiritung iyon na pasukin kayo. Kung nakarating na kayo sa puntong ito, ang inyong katapatan ay magiging walang-kabuluhang satsat lamang, walang anumang realidad, at lalamunin ng maruruming espiritu ang inyong matibay na pagpapasiya at papalitan ito ng pagsuway at mga pakana ni Satanas na gagamitin upang gambalain ang Aking gawain. Mula roon, maaari Ko kayong hampasin anumang oras. Walang sinumang nakakaunawa sa bigat ng sitwasyong ito; talagang nagbibingi-bingihan lamang ang mga tao sa naririnig nila, at hindi man lamang sila nag-iingat. Hindi Ko naaalala ang ginawa noong araw; talaga bang naghihintay ka pa ring maging maluwag Ako sa iyo sa pamamagitan ng minsan pang “paglimot”?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 10

655. Maraming mga tao ang mas nanaisin pang maparusahan sa impiyerno kaysa sa magsalita at kumilos nang tapat. Hindi kataka-takang may iba pa Akong lunas na nakalaan para sa mga hindi tapat. Mangyari pa, ganap Kong alam kung gaano kahirap sa inyo ang maging tapat. Sapagkat matatalino kayong lahat, napakahusay sa pagtimbang sa mga tao gamit ang sarili ninyong makitid na panukat, ginagawa nitong mas payak ang gawain Ko. At yamang niyayakap sa dibdib ng bawat isa sa inyo ang mga lihim ninyo, kung sa gayon, isa-isa Ko kayong ilalagay sa kapahamakan upang “turuan” sa pamamagitan ng apoy, at nang matapos nito ay maaaring maging pirmi kayo sa paniniwala sa mga salita Ko. Sa huli, aagawin Ko mula sa mga bibig ninyo ang mga salitang “Ang Diyos ay matapat na Diyos,” kung saan hahampasin ninyo ang mga dibdib ninyo at mananaghoy, “Mapanlinlang ang puso ng tao!” Ano ang magiging kalagayan ng isip ninyo sa oras na ito? Ipinagpapalagay Kong hindi kayo magiging kasing tagumpay nang tulad ninyo ngayon. At lalong hindi kayo magiging kasing “lalim at mahirap unawain” nang tulad ninyo ngayon. Sa presensiya ng Diyos, maaayos at wastong kumilos ang ilang mga tao, pinaghihirapan nilang magkaroon ng “maayos na pag-uugali,” subalit inilalantad nila ang mga pangil nila at iwinawasiwas ang mga kuko nila sa presensiya ng Espiritu. Ibibilang ba ninyo ang ganitong mga tao sa hanay ng mga tapat? Kung isa kang ipokrito, isang taong bihasa sa “pakikipagkapwa,” sinasabi Kong isa kang tiyak na sumusubok biru-biruin ang Diyos. Kung tadtad ng mga palusot at walang halagang mga pangangatwiran ang mga salita mo, sinasabi Kong isa kang taong kinasusuklamang isagawa ang katotohanan. Kung marami kang mga nakatagong kaalamang atubili kang ibahagi, kung lubos kang tutol na ilantad ang mga lihim mo—ang mga paghihirap mo—sa harap ng iba upang hanapin ang daan ng liwanag, sinasabi Kong isang kang taong hindi madaling matatamo ang kaligtasan, at hindi madaling makakaahon mula sa kadiliman. … Kung paano masasaayos ang kapalaran ng isang tao sa huli ay nakasalalay sa kung mayroon siyang pusong tapat at kasimpula ng dugo, at kung may dalisay siyang kaluluwa. Kung isa kang taong lubhang hindi tapat, isang taong may pusong masama ang hangarin, isang taong marumi ang kaluluwa, tiyak na hahantong ka sa lugar kung saan pinarurusahan ang tao, tulad ng nakasulat sa talaan ng tadhana mo. Kung inaangkin mong lubha kang tapat, gayunpaman hindi kailanman nagawang kumilos alinsunod sa katotohanan o magpahayag ni isang totoong salita, naghihintay ka pa rin bang gantimpalaan ka ng Diyos? Umaasa ka pa rin bang ituturing ka ng Diyos na lubos Niyang minamahal? Hindi ba kakatwa ang ganitong pag-iisip? Nililinlang mo ang Diyos sa lahat ng mga bagay; paanong tatanggapin sa tahanan ng Diyos ang isang tulad mo, na marumi ang mga kamay?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tatlong Paalaala

656. Ngayon, kung naging epektibo man o hindi ang inyong paghahabol ay nasusukat sa pamamagitan ng kung ano ang kasalukuyan ninyong taglay. Ito ang ginagamit para maalaman ang inyong kalalabasan; ibig sabihin, ang inyong kalalabasan ay nahahayag sa mga sakripisyo at mga bagay na nagawa ninyo. Ang inyong kalalabasan ay malalaman sa pamamagitan ng inyong paghahabol, inyong pananampalataya, at inyong nagawa. Sa inyong lahat, marami ang wala nang pag-asang mailigtas, sapagka’t ngayon ang araw ng paghahayag ng mga kalalabasan ng mga tao, at hindi Ako magiging lito sa Aking gawain; hindi Ko aakayin yaong mga lubos na walang pag-asang mailigtas tungo sa susunod na kapanahunan. Magkakaroon ng panahon na tapos na ang Aking gawain. Hindi Ko gagawaan yaong mababaho at walang espiritung mga bangkay na hindi man lang maililigtas; ngayon ang mga huling araw ng pagliligtas sa tao, at hindi Ako gagawa ng gawaing walang silbi. Huwag magalit sa Langit at lupa—darating na ang katapusan ng mundo. Hindi ito maiiwasan. Umabot na ang mga bagay-bagay sa puntong ito, at wala ka nang magagawa bilang tao para pigilin ang mga ito; hindi mo mababago ang mga bagay-bagay ayon sa gusto mo. Kahapon, hindi ka nagsikap na habulin ang katotohanan at hindi ka naging tapat; ngayon, dumating na ang panahon, wala ka nang pag-asang mailigtas; at bukas, aalisin ka na, at wala nang magiging palugit para sa iyong kaligtasan. Kahit malambot ang Aking puso at ginagawa Ko ang lahat ng makakaya Ko para iligtas ka, kung hindi ka nagpupunyagi o nag-iisip para sa sarili mo, ano ang kinalaman nito sa Akin? Yaong mga nag-iisip lamang tungkol sa kanilang laman at nagtatamasa ng kaginhawahan; yaong mga mukhang naniniwala nguni’t hindi talaga naniniwala; yaong mga nakikilahok sa masasamang panggagamot at pangkukulam; yaong mga walang delikadesa, gula-gulanit at nanlilimahid; yaong mga nagnanakaw ng mga alay kay Jehova at ng Kanyang mga pag-aari; yaong mga nagmamahal sa mga suhol; yaong mga nangangarap nang walang ginagawa na makaakyat sa langit; yaong mga mapagmataas at palalo, na nagpupunyagi lamang para sa personal na katanyagan at yaman; yaong mga nagkakalat ng mga salitang walang katuturan; yaong mga lumalapastangan sa Diyos Mismo; yaong mga walang ginagawa kundi husgahan at siraang-puri ang Diyos Mismo; yaong mga naggugrupu-grupo at naghahangad na maging malaya; yaong mga dinadakila ang kanilang sarili nang higit sa Diyos; yaong walang-kuwentang mga kabataan, mga may-edad at matatandang kalalakihan at kababaihan na nasilo sa kahalayan; yaong kalalakihan at kababaihan na nagtatamasa ng personal na katanyagan at yaman at naghahabol ng personal na katayuan sa gitna ng iba; yaong mga taong hindi nagsisisi na nabitag sa kasalanan—hindi ba sila, lahat sila, ay walang pag-asang maligtas? Ang kahalayan, pagiging makasalanan, masamang panggagamot, pangkukulam, pagmumura, at walang-katuturang mga salita ay lahat talamak sa inyo; at ang katotohanan at mga salita ng buhay ay tinatapakan sa gitna ninyo, at ang banal na pananalita ay dinudungisan sa gitna ninyo. Kayong mga Gentil, na sobra sa karumihan at pagkasuwail! Ano ang kalalabasan ninyo sa huli? Paano naaatim ng mga nagmamahal sa laman, gumagawa ng pangkukulam ng laman, at nabibitag sa mahalay na kasalanan na patuloy na mabuhay! Hindi mo ba alam na ang mga taong katulad ninyo ay mga uod na walang pag-asang maligtas? Ano ang nagbigay sa inyo ng karapatang humingi ng kung anu-ano? Sa ngayon, wala ni katiting na pagbabago sa mga hindi nagmamahal sa katotohanan at nagmamahal lamang sa laman—paano maliligtas ang gayong mga tao? Yaong mga hindi nagmamahal sa daan ng buhay, mga hindi dumadakila sa Diyos at nagpapatotoo sa Kanya, mga nagpapakana alang-alang sa sarili nilang katayuan, na nagtataas sa kanilang mga sarili—hindi ba’t ganoon pa rin sila, kahit ngayon? Ano ang kabuluhan ng pagliligtas sa kanila? Kung maliligtas ka ay hindi depende sa kung gaano ka na katanda o ilang taon ka nang nagtatrabaho, at lalo nang hindi ito depende sa kung gaano karami ang mga kredensyal mo. Bagkus, depende ito sa kung nagbunga na ang iyong paghahabol. Kailangan mong malaman na yaong mga naliligtas ay ang “mga puno” na nagbubunga, hindi ang mga puno na may malalagong dahon at saganang bulaklak subali’t hindi nagbubunga. Kahit nakagugol ka na ng maraming taon sa paggala-gala sa mga lansangan, ano ang halaga niyon? Nasaan ang iyong patotoo? Ang iyong pagpipitagan sa Diyos ay napakababaw kumpara sa pagmamahal mo sa iyong sarili at sa iyong mga mahahalay na pagnanasa—hindi ba napakasama ng ganitong klaseng tao? Paano sila magiging uliran at huwaran para sa pagliligtas? Ang iyong kalikasan ay hindi na mababago, napakasuwail mo, wala ka nang pag-asang maligtas! Hindi ba ang gayong mga tao ang aalisin? Hindi ba ang oras na matatapos ang Aking gawain ang siyang oras ng pagdating ng huling araw mo? Napakarami Kong nagawang gawain at napakarami Kong nasambit na salita sa gitna ninyo—gaano karami nito ang tunay na nakapasok sa inyong mga tainga? Gaano karami nito ang nasunod ninyo kahit kailan? Kapag natapos ang Aking gawain, iyon ang magiging oras na titigil kang kontrahin Ako, na titigil kang kalabanin Ako. Habang Ako’y gumagawa, patuloy kayong kumikilos laban sa Akin; hindi kayo sumusunod sa Aking mga salita kahit kailan. Ginagawa Ko ang Aking gawain, at ginagawa mo ang iyong sariling “gawain,” gumagawa ng sarili mong munting kaharian. Kayo’y walang iba kundi mga soro at mga aso, ginagawa ang lahat para kontrahin Ako! Palagi ninyong sinusubukang yakapin yaong mga naghahandog sa inyo ng kanilang buong pagmamahal—nasaan ang inyong pagpipitagan? Lahat ng ginagawa ninyo ay mapanlinlang! Wala kayong pagsunod o pagpipitagan, at lahat ng ginagawa ninyo ay mapanlinlang at lapastangan! Maliligtas ba ang ganyang klaseng tao? Ang mga taong sekswal na imoral at mahalay ay palaging gustong akitin ang makikiring haliparot sa kanila para sa sarili nilang kasiyahan. Hindi Ko talaga ililigtas ang gayong sekswal na imoral na mga demonyo. Kinamumuhian Ko kayong maruruming demonyo, at ang inyong kahalayan at pagiging haliparot ay magsasadlak sa inyo sa impiyerno. Ano ang masasabi ninyo para sa inyong mga sarili? Nakakadiri kayong maruruming demonyo at masasamang espiritu! Nakasusuklam kayo! Paano maliligtas ang gayong klaseng basura? Maliligtas pa rin ba sila na nabibitag sa kasalanan? Ngayon, ang katotohanang ito, ang daang ito, at ang buhay na ito ay hindi umaakit sa inyo; bagkus, naaakit kayo sa pagkakasala; sa pera; sa reputasyon, katanyagan at pakinabang; sa mga kasiyahan ng laman; sa kaguwapuhan ng mga lalaki at kariktan ng mga babae. Ano ang nagbibigay ng karapatan sa inyo na pumasok sa Aking kaharian? Ang inyong larawan ay higit pa kaysa sa Diyos, ang inyong katayuan ay mas mataas pa kaysa sa Diyos, maliban pa sa inyong kabantugan sa mga tao—naging idolo na kayo na sinasamba ng mga tao. Hindi ba kayo naging ang arkanghel? Kapag inihahayag na ang mga kalalabasan ng mga tao, na kung kailan rin malapit nang matapos ang gawain ng pagliligtas, marami sa inyo ang magiging mga bangkay na wala nang pag-asang maligtas at kailangang alisin. Sa oras ng gawain ng pagliligtas, Ako ay mabait at mabuti sa lahat ng tao. Kapag natapos na ang gawain, ang mga kalalabasan ng iba’t ibang uri ng mga tao ay mahahayag, at sa oras na iyon, hindi na Ako magiging mabait at mabuti, sapagka’t ang mga kalalabasan ng mga tao ay mahahayag na, at bawa’t isa ay pagsasama-samahin ayon sa kanilang uri, at mawawalan na ng saysay ang paggawa ng anumang iba pang gawain ng pagliligtas, dahil ang kapanahunan ng pagliligtas ay nakalipas na, at, dahil nakalipas na, hindi na ito babalik.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagsasagawa 7

657. Nabigyan Ko na kayo ng maraming babala at nagkaloob na sa inyo ng maraming katotohanan na ang layunin ay lupigin kayo. Sa ngayon, nararamdaman na ninyong lahat na higit kayong pinagyaman kaysa noong nakaraan, naiintindihan na ninyo ang maraming prinsipyo kung paano dapat ang isang tao, at nagtataglay na kayo ng malaking bahagi ng sentido komun na dapat taglayin ng matatapat na tao. Inyong inani ang lahat ng ito sa loob ng maraming taon ng paggapas. Hindi Ko ikinakaila ang inyong mga nagawa, ngunit dapat Ko ring sabihin nang may katapatan na hindi Ko rin ikinakaila ang napakaraming pagsuway at paghihimagsik na inyong nagawa laban sa Akin sa loob ng maraming taon na ito, sapagkat wala ni isa mang banal sa inyo. Lahat kayo, nang walang pagtatangi, ay mga taong ginawa nang tiwali ni Satanas; mga kaaway kayo ni Cristo. Hanggang sa kasalukuyan, hindi na mabilang sa dami ang inyong mga paglabag at pagsuway, kaya hindi na talaga kakatwang maituturing na lagi Ko kayong kinukulit. Hindi Ko nais na kasama ninyong umiral sa ganitong paraan—ngunit alang-alang sa inyong mga kinabukasan, alang-alang sa inyong mga hantungan, dito at ngayon, sasabihan Ko kayong muli. Umaasa Ako na pagbibigyan ninyo Ako, at higit pa, na magagawa ninyong maniwala sa bawat pahayag Ko, at mahinuha ang malalim na mga pahiwatig ng Aking mga salita. Huwag ninyong pagdudahan ang Aking mga sinasabi, at lalong huwag pulutin ang Aking mga salita ayon sa inyong nais at itapon ang mga ito sa isang tabi nang walang pakundangan; hindi Ko ito mapagtitiisan. Huwag ninyong hatulan ang Aking mga salita, at lalong huwag maliitin ang mga ito o sabihin na lagi Ko kayong tinutukso o, higit pang malala, sabihin na ang mga sinabi Ko sa inyo ay hindi tumpak. Hindi Ko rin mapagtitiisan ang mga bagay na ito. Sapagkat itinuturing ninyo Ako at ang Aking sinasabi nang may ganyang paghihinala, hindi kailanman tinatanggap ang Aking mga salita at hindi Ako pinapansin, may lubos na kaseryosohan Kong sinasabi sa bawat isa sa inyo: Huwag ninyong ikawing sa pilosopiya ang Aking sinasabi; huwag ninyong ikawing ang Aking mga salita sa mga kasinungalingan ng mga nagmamarunong. Lalong hindi kayo dapat tumugon sa Aking mga salita nang may pag-aalipusta. Marahil ay walang sinuman sa hinaharap ang makapagsasabi sa inyo ng kung ano ang sinasabi Ko sa inyo, o makapagsasalita sa inyo nang may ganitong kabutihan, o lalo na kahit paano’y maakay kayo nang may tiyaga sa mga bahaging ito. Gugugulin ninyo ang mga araw na darating sa pag-alala sa masasayang panahon, o sa malakas na paghikbi, o pagdaing dahil sa sakit, o mabubuhay kayo sa madidilim na gabi nang walang kaloob na kahit pilas ng katotohanan o buhay, o maghihintay na lamang nang walang pag-asa, o mananahan sa ganoon kapait na panghihinayang na mawawala ang inyong katinuan …. Halos wala ni isa man sa inyo ang makatatakas sa mga posibilidad na ito. Sapagkat wala ni isa man sa inyo ang nasa luklukan kung saan tunay ninyong sinasamba ang Diyos, bagkus ay inilulubog ninyo ang mga sarili ninyo sa mundo ng kahalayan at kasamaan, inihahalo sa inyong mga paniniwala, sa inyong mga espiritu, mga kaluluwa, at mga katawan ang napakaraming bagay na walang kinalaman sa buhay at katotohanan at sa totoo pa nga ay kasalungat ng mga ito. Kaya ang inaasam Ko para sa inyo ay ang madala kayo sa landas ng liwanag. Ang tanging inaasam Ko ay ang magkaroon kayo ng kakayahang kalingain ang inyong mga sarili, mapangalagaan ang inyong mga sarili, at hindi kayo labis na magbigay-diin sa inyong hantungan habang tinitingnan nang may pagwawalang-bahala ang inyong asal at mga paglabag.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Paglabag ay Magdadala sa Tao sa Impiyerno

658. Habang mas marami ang nagagawa mong paglabag, mas kumakaunti ang iyong mga pagkakataong magtamo ng isang mabuting hantungan. Taliwas dito, habang mas kumakaunti ang nagagawa mong mga paglabag, mas lumalaki ang iyong pagkakataon na mapuri ng Diyos. Kung madaragdagan ang iyong mga paglabag hanggang sa puntong imposible na para sa Akin na mapatawad ka, lubusan mo nang sinayang ang iyong mga pagkakataong mapatawad. Kung magkagayon, ang iyong hantungan ay hindi magiging sa itaas kundi sa ibaba. Kung hindi mo Ako pinaniniwalaan, maging tahas ka kung gayon at gumawa ng mali, at tingnan mo kung ano ang iyong mapapala. Kung ikaw ay isang tao na ang pagsasagawa ng katotohanan ay napakasigasig, tiyak na magkakaroon ka ng pagkakataon na mapatawad sa iyong mga paglabag, at dadalang nang dadalang ang iyong mga pagsuway. Kung ikaw ay isang tao na mabigat sa loob ang pagsasagawa ng katotohanan, ang iyong mga paglabag sa harap ng Diyos ay tiyak na madaragdagan at dadalas nang dadalas ang iyong pagsuway, hanggang marating mo ang hangganan, na siyang magiging oras ng iyong lubos na pagkawasak. Dito na mawawasak ang iyong kaaya-ayang pangarap na tumanggap ng mga pagpapala. Huwag mong ituring ang iyong mga paglabag bilang mga pagkakamali lamang ng isang taong walang hustong pag-iisip o ng isang taong hangal; huwag mong gamiting dahilan na hindi ka nakapagsagawa ng katotohanan dahil ginawa itong imposible ng iyong mahinang kakayahan. Higit pa rito, huwag mong ituring ang mga nagawa mong paglabag na mga pagkilos lamang ng isang tao na kulang sa kaalaman. Kung mahusay ka sa pagpapatawad sa sarili mo at pagiging mapagbigay sa iyong sarili, sinasabi Ko, kung gayon, na ikaw ay isang duwag na hindi kailanman magkakamit ng katotohanan, at hindi ka rin titigilang multuhin ng iyong mga paglabag; hahadlangan ka nila na matugunan kailanman ang mga hinihingi ng katotohanan at magiging sanhi upang manatili kang isang tapat na kasamahan ni Satanas magpakailanman. Ito pa rin ang payo Ko sa iyo: Huwag kang magbigay-pansin lamang sa iyong hantungan habang nabibigong pansinin ang iyong mga nakatagong paglabag; seryosohin mo ang mga paglabag, at huwag kaligtaan ang alinman sa mga ito dahil sa pagmamalasakit sa iyong hantungan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Paglabag ay Magdadala sa Tao sa Impiyerno

659. Bagama’t may elemento ng pagmamahal ang diwa ng Diyos, at maawain Siya sa bawat isang tao, nakaligtaan at nalimutan ng mga tao ang katotohanan na may dignidad din ang Kanyang diwa. Hindi komo may pagmamahal Siya ay maaari na Siyang saktan nang buong laya ng mga tao, nang walang pinupukaw na damdamin o reaksyon sa Kanya, ni hindi nangangahulugan na komo may awa Siya ay wala na Siyang mga prinsipyo sa pagtrato Niya sa mga tao. Ang Diyos ay buhay; Siya ay tunay na umiiral. Hindi Siya isang kathang-isip na tau-tauhan ni anupamang ibang bagay. Dahil Siya ay umiiral, dapat tayong makinig na mabuti sa tinig ng Kanyang puso sa lahat ng oras, pansinin nating mabuti ang Kanyang saloobin, at unawain natin ang Kanyang damdamin. Hindi natin dapat gamitin ang mga imahinasyon ng tao para tukuyin ang Diyos, ni hindi natin dapat igiit ang mga iniisip o ninanasa ng tao sa Kanya, na nagiging sanhi upang tratuhin ng Diyos ang mga tao sa paraan ng tao batay sa mga imahinasyon ng tao. Kung gagawin mo ito, gagalitin mo ang Diyos, bubuyuhin mo Siyang mapoot, at hahamunin mo ang Kanyang dignidad! Sa gayon, kapag naunawaan na ninyo ang katindihan ng bagay na ito, hinihimok Ko ang bawat isa sa inyo na maging maingat at mahinahon sa inyong mga kilos. Maging maingat at mahinahon din sa inyong pananalita—patungkol sa pagtrato ninyo sa Diyos, mas maingat at mahinahon kayo, mas magaling! Kapag hindi mo nauunawaan ang saloobin ng Diyos, iwasang magsalita nang walang-ingat, huwag magpadalus-dalos sa iyong mga kilos, at huwag basta-basta magbansag. Ang mas mahalaga pa, huwag magsalita nang patapos na walang batayan. Sa halip, dapat kang maghintay at maghanap; ang mga kilos na ito ay pagpapahayag din ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan. Higit sa lahat, kung magagawa mo ito, at higit sa lahat, kung angkin mo ang saloobing ito, hindi ka sisisihin ng Diyos sa iyong katangahan, kamangmangan, at kawalan ng pang-unawa sa mga dahilan sa likod ng mga bagay-bagay. Sa halip, dahil sa iyong saloobing takot na magkasala sa Diyos, paggalang sa Kanyang mga layon, at kahandaang sundin Siya, aalalahanin ka ng Diyos, gagabayan at liliwanagan ka, o magpaparaya Siya sa iyong kakulangan sa gulang at kamangmangan. Sa kabilang dako, kapag nawalan ka ng pitagan sa Kanya—na hinuhusgahan Siya ayon sa gusto mo o hinuhulaan at tinutukoy mo nang di-makatwiran ang Kanyang mga ideya—isusumpa ka ng Diyos, didisiplinahin ka, at parurusahan ka pa; o, maaari Siyang magkomento sa iyo. Marahil ay kasama ang iyong kahihinatnan sa komentong ito. Samakatuwid, nais Kong minsan pang bigyang-diin: Dapat maging maingat at mahinahon ang bawat isa sa inyo tungkol sa lahat ng bagay na nagmumula sa Diyos. Huwag kayong magsalita nang walang ingat, at huwag magpadalus-dalos sa inyong mga kilos. Bago ka magsalita ng anuman, dapat kang tumigil at mag-isip: Magagalit ba ang Diyos sa kilos kong ito? Sa paggawa nito, nagpipitagan ba ako sa Diyos? Kahit sa mga simpleng bagay, dapat mo pa ring subuking unawain ang mga tanong na ito, at gumugol ng mas maraming oras sa pag-iisip tungkol sa mga ito. Kung talagang makapagsasagawa ka ayon sa mga prinsipyong ito sa lahat ng aspeto, sa lahat ng bagay, sa lahat ng oras, at magkaroon ka ng gayong saloobin lalo na kapag mayroon kang hindi nauunawaan, lagi kang gagabayan ng Diyos at bibigyan ka ng isang landas na susundan. Anuman ang ipinapakita ng mga tao, nakikita ng Diyos ang mga iyon nang malinaw at maliwanag, at mag-aalok Siya ng isang tumpak at angkop na pagsusuri sa mga ipinapakita mong ito. Matapos mong pagdaanan ang huling pagsubok, kukunin ng Diyos ang lahat ng pag-uugali mo at ibubuod ang mga ito nang ganap upang maipasiya ang iyong kahihinatnan. Ang resultang ito ay kukumbinsihin ang bawat isang tao nang walang anumang pagdududa. Ang gusto Kong sabihin sa inyo rito ay ito: Ang bawat gawa ninyo, bawat kilos ninyo, at bawat iniisip ninyo ang nagpapasiya sa inyong kapalaran.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paano Malalaman ang Disposisyon ng Diyos at ang mga Resultang Makakamtan ng Kanyang Gawain

660. Tungkol sa kung paano hinahanap at nilalapitan ng mga tao ang Diyos, pangunahin ang kahalagahan ng saloobin ng mga tao. Huwag kaligtaan ang Diyos na parang wala Siyang halaga sa likod ng iyong isipan; laging isipin ang Diyos na iyong pinaniniwalaan bilang isang buhay na Diyos, isang tunay na Diyos. Hindi Siya uupu-upo lamang doon sa ikatlong langit nang walang ginagawa. Sa halip, patuloy Siyang nakatingin sa puso ng lahat, inoobserbahan kung ano ang binabalak mo, pinanonood ang bawat maliit na salita at gawa mo, pinanonood kung paano ka kumilos at tinitingnan kung ano ang saloobin mo sa Kanya. Handa ka mang ibigay ang iyong sarili sa Diyos o hindi, lahat ng pag-uugali mo at kaibuturan ng iyong mga iniisip at ideya ay nalalantad sa Kanyang harapan at tinitingnan Niya. Dahil sa iyong pag-uugali, dahil sa iyong mga gawa, at dahil sa iyong saloobin sa Kanya, palaging nagbabago ang opinyon ng Diyos tungkol sa iyo at ang Kanyang saloobin sa iyo. Gusto Kong mag-alok ng kaunting payo sa ilang tao: Huwag ninyong ilagay ang inyong sarili na parang mga sanggol sa mga kamay ng Diyos, na parang dapat Siyang mahaling sa iyo, na parang hindi ka Niya kailanman maaaring iwanan, at na parang pirmihan ang Kanyang saloobin sa iyo at hindi na magbabago kailanman, at ipinapayo Ko sa iyo na huwag ka nang mangarap! Ang Diyos ay matuwid sa pagtrato Niya sa bawat isang tao, at marubdob Niyang hinaharap ang gawain ng paglupig at pagliligtas sa mga tao. Ito ang Kanyang pamamahala. Tinatrato Niya nang seryoso ang bawat isang tao, at hindi kagaya ng isang alagang hayop na paglalaruan. Ang pagmamahal ng Diyos sa mga tao ay hindi ang klaseng nagpapalayaw o nagpapamihasa, ni hindi mapagbigay o pabaya ang Kanyang awa at pagpaparaya sa sangkatauhan. Bagkus, ang pagmamahal ng Diyos para sa sangkatauhan ay may kasamang pagtatangi, pagkaawa, at paggalang sa buhay; inihahatid ng Kanyang awa at pagpaparaya ang Kanyang mga inaasahan sa kanila, at ang siyang kailangan ng sangkatauhan upang patuloy na mabuhay. Ang Diyos ay buhay, at ang Diyos ay talagang umiiral; ang Kanyang saloobin sa sangkatauhan ay may prinsipyo, hindi man lamang sangkaterbang dogmatikong mga panuntunan, at maaari itong magbago. Ang Kanyang mga layon para sa sangkatauhan ay unti-unting nagbabago at nag-iiba sa paglipas ng panahon, depende sa mga pangyayaring nagaganap, at pati na sa saloobin ng bawat isang tao. Samakatuwid, dapat mong malaman sa puso mo nang may tiyak na kalinawan na hindi nagbabago ang diwa ng Diyos, at na lalabas ang Kanyang disposisyon sa iba’t ibang panahon at sa iba’t ibang konteksto. Maaaring hindi mo iniisip na seryoso ang bagay na ito, at maaaring ginagamit mo ang sarili mong mga kuru-kuro upang wariin kung paano dapat gawin ng Diyos ang mga bagay-bagay. Gayunman, may mga pagkakataon na totoo ang ganap na kabaligtaran ng iyong pananaw, at sa paggamit ng sarili mong personal na mga kuru-kuro para tangkaing sukatin ang Diyos, napagalit mo na Siya. Ito ay dahil hindi kumikilos ang Diyos sa paraang iniisip mo na ginagawa Niya, ni hindi Niya ituturing ang bagay na ito na kagaya ng sinasabi mong gagawin Niya. Sa gayon, ipinapaalala Ko sa iyo na mag-ingat at maging mahinahon sa pagturing mo sa lahat ng bagay na nasa paligid mo, at pag-aralan kung paano sundin ang prinsipyo ng paglakad sa daan ng Diyos sa lahat ng bagay, ang pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan. Kailangan mong bumuo ng isang matibay na pagkaunawa hinggil sa mga bagay tungkol sa kalooban at saloobin ng Diyos, kailangan mong humanap ng mga taong magpapaalam ng mga bagay na ito sa iyo, at kailangan mong maghangad nang seryoso. Huwag mong ituring ang Diyos na pinaniniwalaan mo na isang tau-tauhan—na hinuhusgahan Siya kung paano mo gusto, nagbubuo ng di-makatwirang mga konklusyon tungkol sa Kanya, at hindi Siya tinatrato nang may paggalang na nararapat sa Kanya. Samantalang inililigtas ka ng Diyos at ipinapasiya ang iyong kahihinatnan, maaari Niyang pagkalooban ng awa, o pagpaparaya, o paghatol at pagkastigo, ngunit ano’t anuman, ang Kanyang saloobin sa iyo ay hindi pirmihan. Depende ito sa iyong sariling saloobin sa Kanya, gayundin sa iyong pagkaunawa sa Kanya. Huwag mong tulutan ang isang lumilipas na aspeto ng iyong kaalaman o pagkaunawa sa Diyos na ilarawan Siya nang panghabambuhay. Huwag maniwala sa isang patay na Diyos; maniwala sa Isang nabubuhay.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paano Malalaman ang Disposisyon ng Diyos at ang mga Resultang Makakamtan ng Kanyang Gawain

661. Inaasam ninyo na kalugdan kayo ng Diyos, subalit napakalayo ninyo sa Diyos. Ano ang problema dito? Tinatanggap ninyo ang mga salita lamang Niya, ngunit hindi ang pakikitungo at pagtatabas Niya, lalong hindi ninyo magawang tanggapin ang bawat pagsasaayos Niya, ang magkaroon ng ganap na pananampalataya sa Kanya. Ano, kung gayon, ang problema dito? Sa huling pagsusuri, ang inyong pananampalataya ay isang basyong balat ng itlog, yaong hindi kailanman makabubuo ng sisiw. Sapagkat hindi nakapagdala sa inyo ng katotohanan o nakapagbigay sa inyo ng buhay ang inyong pananampalataya, bagkus ay nakapagbigay sa inyo ng mapanlinlang na pakiramdam ng kandili at pag-asa. Itong pakiramdam ng kandili at pag-asa ang siyang layunin ng paniniwala ninyo sa Diyos, hindi ang katotohanan at ang buhay. Kaya’t sinasabi Ko na ang landas ng inyong pananampalataya sa Diyos ay walang iba kundi ang subukang magmapuri sa Diyos sa pamamagitan ng pagpapaalipin at kawalanghiyaan, at sa kahit anong paraan ay hindi maipapalagay na totoong pananampalataya. Paanong isisilang ang isang sisiw sa pananampalatayang tulad nito? Sa madaling salita, anong magagawa ng pananampalatayang tulad nito? Ang layunin ng pananampalataya ninyo sa Diyos ay gamitin Siya upang makamit ang inyong mga layunin. Hindi ba ito, sa karagdagan, na isang katunayan na pinasasakitan ninyo ang disposisyon ng Diyos? Naniniwala kayo sa pag-iral ng Diyos na nasa langit at itinatatwa yaong sa Diyos na nasa lupa, subalit hindi Ko kinikilala ang mga pananaw ninyo; pinapupurihan Ko lamang yaong mga taong pinananatili ang mga paa nila sa lupa at naglilingkod sa Diyos na nasa lupa, ngunit hindi kailanman yaong mga hindi kumikilala sa Cristo na nasa lupa. Gaano man katapat sa Diyos na nasa langit ang ganitong mga tao, sa huli ay hindi pa rin nila matatakasan ang Aking kamay na nagpaparusa sa mga buktot. Buktot ang mga taong ito; sila ang mga masasamang sumasalungat sa Diyos at hindi kailanman masayang sumunod kay Cristo. Mangyari pa, kasama sa kanilang bilang lahat yaong mga hindi nababatid, at, dagdag pa, hindi kinikilala si Cristo. Naniniwala ka ba na makakikilos ka tungo kay Cristo ayon sa iyong kagustuhan hangga’t tapat ka sa Diyos na nasa langit? Mali! Kamangmangan sa Diyos na nasa langit ang kamangmangan mo kay Cristo. Gaano ka man katapat sa Diyos na nasa langit, ngawngaw at pagkukunwari lamang ito, dahil ang Diyos na nasa lupa ay hindi lamang nakatutulong sa pagtanggap ng tao sa katotohanan at mas malalim na karunungan, ngunit higit pa riyan ay nakatutulong sa kaparusahan ng tao at, pagkatapos, sa pagsunggab sa mga katunayan upang parusahan ang mga buktot. Naintindihan mo ba rito ang mga pakinabang at mga nakapipinsalang kalalabasan? Naranasan mo ba ang mga ito? Hiling Ko para sa inyo na maintindihan balang-araw ang katotohanang ito: Para makilala ang Diyos, kailangan ninyong makilala hindi lamang ang Diyos na nasa langit ngunit, higit pang mahalaga, ang Diyos na nasa lupa. Huwag kayong malito sa inyong mga prayoridad o hayaang mahalinhan ng pangalawa ang pangunahin. Tanging sa ganitong paraan ka lamang tunay na makapagtatayo ng magandang ugnayan sa Diyos, magiging higit na malapit sa Diyos, at higit na mapalalapit ang puso mo sa Kanya. Kung isa kang mananampalataya sa loob ng maraming taon at matagal nang nauugnay sa Akin, subalit nananatiling malayo sa Akin, kung gayon ay sinasabi Ko na iyan ay dahil madalas mong napasasakitan ang disposisyon ng Diyos, at magiging mahirap tuusin ang katapusan mo. Kung ang maraming taon ng kaugnayan mo sa Akin ay hindi lamang nabigong baguhin ka tungo sa isang taong nagtataglay ng pagkatao at ng katotohanan, ngunit, bukod dito, naitanim ang masama mong mga gawi sa iyong kalikasan, at hindi lamang may makadalawang ulit na pagmamataas ka kaysa dati, ngunit dumami rin ang mga maling pagkakaintindi mo sa Akin, kaya’t tinitingnan mo na Ako ngayon bilang abang alalay, kung gayon ay sinasabi Ko na hindi na lamang paimbabaw ang sakit mo ngunit tumagos na sa kaibuturan ng mga buto mo. Ang nalalabi na lamang ay hintayin mong matapos ang pagsasaayos ng iyong libing. Hindi mo na kailangang magsumamo sa Akin upang maging Diyos mo, dahil nakagawa ka ng kasalanang nararapat sa kamatayan, isang kasalanang walang kapatawaran. Magkaroon man Ako ng habag sa iyo, igigiit ng Diyos na nasa langit na kunin ang buhay mo, dahil hindi pangkaraniwang suliranin ang pagkakasala mo laban sa disposisyon ng Diyos, ngunit isang may napakalubhang kalikasan. Pagdating ng oras, huwag mo Akong sisisihin sa hindi karakang pagsasabi sa iyo. Bumabalik ang lahat dito: Kapag nakipag-ugnay ka kay Cristo—ang Diyos na nasa lupa—bilang pangkaraniwang tao, iyan ay, kung naniniwala kang walang iba kundi isang tao lamang ang Diyos na ito, ay saka lamang na mamamatay ka. Ito lamang ang babala Ko sa inyong lahat.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Mababatid ang Diyos na Nasa Lupa

662. Ang bawat tao, sa pamumuhay niya sa buhay ng pananampalataya sa Diyos, ay nakagawa ng mga bagay na lumalaban at nanlilinlang sa Diyos. Hindi kailangang itala bilang pagkakasala ang ilang mga maling gawa, ngunit walang kapatawaran ang ilan; sapagkat maraming gawa ang lumalabag sa mga atas administratibo, na nagkakasala sa disposisyon ng Diyos. Marami sa mga nababahala sa kanilang sariling mga kapalaran ang maaaring magtanong kung anu-ano ang mga gawang ito. Dapat ninyong malamang likas kayong mga mapagmataas at mayayabang, at ayaw magpasakop sa mga katotohanan. Sa dahilang ito, sasabihin Ko sa inyo nang paunti-unti matapos kayong magmuni-muni sa mga sarili ninyo. Hinihimok Ko kayong magkaroon ng mas mahusay na pag-unawa sa nilalaman ng mga atas administratibo, at magsikap alamin ang disposisyon ng Diyos. Kung hindi, mahihirapan kayong panatilihing tikom ang mga labi ninyo, malayang mamamagaypay ng magarbong pananalita ang mga dila ninyo, at hindi sinasadyang magkakasala kayo sa disposisyon ng Diyos at mahuhulog sa kadiliman, na mawawalan ng presensiya ng Banal na Espiritu at ng liwanag. Sapagkat wala kayong prinsipyo sa mga kilos ninyo, sapagkat ginagawa at sinasabi mo ang hindi dapat, tatanggap ka ng naaangkop na ganti. Dapat mong malamang kahit wala kang prinsipyo sa salita at gawa, lubhang maprinsipyo ang Diyos sa dalawang bagay na ito. Pagkakasala sa Diyos, hindi sa isang tao, ang dahilan ng pagkakatanggap mo ng ganti. Kung sa buhay mo marami kang mga pagkakasala sa disposisyon ng Diyos, papunta ka sa pagiging anak ng impiyerno. Para sa tao, maaaring lumitaw na gumawa ka lamang ng iilang mga gawang salungat sa katotohanan, at wala nang iba. Alam mo ba, gayunpaman, na sa mga mata ng Diyos ay isa ka nang taong wala nang nauukol na handog para sa kasalanan? Sapagkat nilabag mo ang mga atas administratibo ng Diyos nang higit sa isang beses at, bukod dito, walang ipinakitang tanda ng pagsisisi, wala nang ibang paraan kundi malublob ka sa impiyerno, kung saan pinarurusahan ng Diyos ang tao. Gumawa ang isang maliit na bilang ng mga tao ng mga gawang lumabag sa mga prinsipyo, habang sumusunod sa Diyos, ngunit matapos silang mapakitunguhan at mabigyan ng gabay, unti-unti nilang natuklasan ang sarili nilang katiwalian, at matapos nito pumasok sa tamang landas ng realidad, at nananatili silang may matatag na saligan hanggang ngayon. Ang ganitong mga tao yaong mga mananatili hanggang sa huli. Gayunpaman, ang mga tapat ang hinahanap Ko; kung isa kang tapat na tao at isang taong kumikilos ayon sa prinsipyo, maaari kang maging pinagkakatiwalaan ng Diyos. Kung sa mga ikinikilos mo ay hindi ka nagkakasala sa disposisyon ng Diyos, at hinahanap mo ang kalooban ng Diyos, at may pusong gumagalang sa Diyos, kung gayo’y abot sa pamantayan ang pananampalataya mo. Sinumang hindi gumagalang sa Diyos at walang pusong nanginginig sa takot ay malamang lalabag sa mga atas administratibo ng Diyos. Maraming naglilingkod sa Diyos sa lakas ng silakbo ng damdamin nila ngunit walang pagkaunawa sa mga atas administratibo ng Diyos, at lalong walang sapantaha tungkol sa mga kahihinatnan ng mga salita Niya. Kaya naman, sa kanilang mabubuting mga layon, madalas silang nakagagawa ng mga bagay na gumagambala sa pamamahala ng Diyos. Sa mga malalang kalagayan, itinatapon sila, pinagkakaitan ng anumang karagdagang pagkakataong sumunod sa Kanya, at itataboy sa impiyerno, at tapos na ang lahat ng pakikisama sa tahanan ng Diyos. Gumagawa ang mga taong ito sa tahanan ng Diyos sa lakas ng mangmang na mabubuting layon nila, at nagtatapos sa pagpapagalit sa disposisyon ng Diyos. Dinadala ng mga tao sa tahanan ng Diyos ang mga paraan nila ng paglilingkod sa mga opisyal at mga panginoon at sinusubukang gamitin ang mga ito, iniisip nang may kahambugan na madaling magagamit ang mga ito dito. Hindi nila kailanman naipagpalagay na walang disposisyon ng tupa ang Diyos, kundi ng isang leon. Samakatuwid, yaong mga nakikisama sa Diyos sa unang pagkakataon ay walang kakayahang makipagtalastasan sa Kanya, sapagkat hindi tulad ng sa tao ang puso ng Diyos. Pagkatapos mo lamang maunawaan ang maraming mga katotohanan atsaka mo patuloy na makikilala ang Diyos. Hindi binubuo ng mga salita at mga doktrina ang kaalamang ito ngunit magagamit bilang kayamanan na sa pamamagitan nito makapapasok ka sa malapit na pagtitiwala ng Diyos, at bilang katibayang nalulugod Siya sa iyo. Kung kulang ka sa realidad ng kaalaman at hindi naaarmasan ng katotohanan, ang maalab mong paglilingkod ay magdadala lamang sa iyo ng pagkamuhi at pagkapoot ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tatlong Paalaala

663. Ang bawat pangungusap na sinabi Ko ay naglalaman sa loob nito ng disposisyon ng Diyos. Makabubuti para sa inyo na pagbulayan ang mga salita Ko nang maigi, at tiyak na makikinabang kayo nang malaki mula sa mga ito. Napakahirap maunawaan ang diwa ng Diyos, ngunit nagtitiwala Akong kayong lahat ay may ilang ideya man lamang tungkol sa disposisyon ng Diyos. Umaasa Ako, kung gayon, na mas marami kayong ipakikita sa Akin na mga bagay na nagawa ninyo na hindi lumalabag sa disposisyon ng Diyos. Saka Ako mapapanatag. Halimbawa, panatilihin ang Diyos sa puso mo sa lahat ng oras. Kapag kumilos ka, gawin ito ayon sa mga salita Niya. Hanapin ang mga layunin Niya sa lahat ng bagay, at magpigil sa paggawa ng hindi gumagalang at nagpapahiya sa Diyos. Lalong hindi mo dapat ilagay ang Diyos sa likod ng isip mo upang punan ang panghinaharap na kahungkagan sa puso mo. Kung gagawin mo ito, malalabag mo ang disposisyon ng Diyos. Muli, ipinapalagay na hindi ka kailanman gumawa ng lapastangang mga pahayag o mga reklamo laban sa Diyos sa buong buhay mo, at muli, ipinapalagay na nagagawa mong gampanan nang wasto ang lahat ng ipinagkatiwala Niya sa iyo at nagpapasakop din sa lahat ng mga salita Niya sa buong buhay mo, kung gayon ay naiwasan mong lumabag laban sa mga atas administratibo. Halimbawa, kung nasabi mong, “Bakit ko iniisip na hindi Siya ang Diyos?” “Sa tingin ko ang mga salitang ito ay wala nang iba pa kundi ilang kaliwanagan ng Banal na Espiritu,” “Sa palagay ko, hindi lahat ng ginagawa ng Diyos ay kinakailangang tama,” “Hindi higit ng sa akin ang katauhan ng Diyos,” “Ang mga salita ng Diyos ay talagang hindi kapani-paniwala,” o iba pang mga mapanghusgang pahayag, kung gayon ay hinihimok Kong mangumpisal at magsisi ka sa iyong mga kasalanan nang mas madalas. Kung hindi, hindi ka kailanman magkakaroon ng pagkakataong mapatawad, dahil hindi ka nagkakasala sa tao, kundi sa Diyos Mismo. Maaaring naniniwala kang ang hinuhusgahan mo ay isang tao, ngunit hindi ito itinuturing ng Espiritu ng Diyos sa ganiyang paraan. Ang kawalang-galang mo sa katawang-tao Niya ay katumbas ng kawalang-galang sa Kanya. Alinsunod dito, hindi ka ba lumabag sa disposisyon ng Diyos? Dapat mong tandaang ang lahat ng ginawa ng Espiritu ng Diyos ay ginagawa upang ingatan ang gawain Niya sa katawang-tao at upang ang gawaing ito ay magawa nang mahusay. Kung makakaligtaan mo ito, kung gayon ay sinasabi Ko sa iyong isa kang taong hindi kailanman magtagumpay sa paniniwala sa Diyos. Dahil pinukaw mo ang poot ng Diyos, at kaya gagamit Siya ng nababagay na kaparusahan upang turuan ka ng aral.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Napakahalagang Maintindihan ang Disposisyon ng Diyos

664. Pagkatapos maunawaan ang disposisyon ng Diyos at kung anong mayroon at kung ano Siya, nakagawa na ba kayo ng anumang mga konklusyon kung paano ninyo dapat tratuhin ang Diyos? Sa wakas, bilang tugon sa katanungang ito, nais Kong bigyan kayo ng tatlong payo: Una, huwag subukin ang Diyos. Gaano man ang iyong nauunawaan tungkol sa Diyos, gaano man karami ang iyong nalalaman tungkol sa Kanyang disposisyon, huwag na huwag mo Siyang subukin. Ikalawa, huwag makipagtunggali para sa katayuan sa Diyos. Anumang uri ng katayuan ang ibinibigay sa iyo ng Diyos o anumang uri ng gawain ang ipinagkakatiwala Niya sa iyo, anumang uri ng tungkulin ang itinataas ka Niya upang isagawa, at gaano man kadami ang iyong ginugol sa iyong sarili at isinakripisyo para sa Diyos, lubos na huwag makipagtunggali para sa katayuan sa Kanya. Ikatlo, huwag makipagpaligsahan sa Diyos. Nauunawan mo man o nakapagpapasakop sa kung ano ang ginagawa ng Diyos sa iyo, kung ano ang isinasaayos Niya para sa iyo, at ang mga bagay na ibinibigay Niya sa iyo, lubos na huwag makipagpaligsahan sa Diyos. Kung makasusunod ka sa tatlong payong ito, ikaw ay magiging bahagyang ligtas, at hindi mo basta-basta magagalit ang Diyos.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo III

665. Maaaring nagdusa ka nang matindi sa iyong panahon, ngunit wala ka pa ring nauunawaan; ikaw ay mangmang sa lahat ng bagay tungkol sa buhay. Kahit na ikaw ay nakastigo at nahatulan na, hindi ka pa rin nagbago sa anumang paraan, at sa iyong kaibuturan, hindi ka nakatamo ng buhay. Pagdating ng panahon para subukin ang iyong gawain, makararanas ka ng isang pagsubok na kasingbangis ng apoy at higit pang matinding kapighatian. Gagawing abo ng apoy na ito ang iyong buong pagkatao. Bilang isa na hindi nagtataglay ng buhay, isa na wala ni isang onsang dalisay na ginto sa loob, isa na nakakapit pa rin sa dating tiwaling disposisyon, at isa na ni hindi makagawa ng isang mahusay na trabaho bilang isang hambingan, paanong hindi ka maaalis? Mayroon bang silbi sa gawaing panlulupig ang isa na mas mababa pa ang halaga kaysa sa isang kusing, isa na hindi nagtataglay ng buhay? Kapag dumating ang panahong iyon, ang inyong mga araw ay magiging mas mahirap kaysa roon nina Noe at ng Sodoma! Ang iyong mga panalangin ay walang magagawang mabuti para sa iyo sa panahong iyon. Kapag natapos na ang gawaing pagliligtas, paano ka makakabalik kalaunan at mag-uumpisang muli na magsisi? Sa sandaling ang lahat ng gawaing pagliligtas ay nagawa na, hindi na magkakaroon pa; ang magaganap ay ang simula ng gawain ng pagpaparusa sa mga yaon na masama. Ikaw ay lumalaban, ikaw ay naghihimagsik, at ikaw ay gumagawa ng mga bagay na alam mong masama. Hindi ba ikaw ang pinatutungkulan ng mabigat na kaparusahan? Nililinaw Ko ito sa iyo ngayon. Kung pipiliin mong huwag makinig, kapag sumapit sa iyo ang sakuna kinalaunan, hindi ba magiging huli na kung noon mo lamang sisimulang madama ang pagsisisi at sisimulang maniwala? Ibinibigay Ko sa iyo ang isang pagkakataon na magsisi ngayon, nguni’t ayaw mo. Gaano katagal mo nais maghintay? Hanggang sa araw ba ng pagkastigo? Hindi Ko natatandaan ngayon ang iyong nakaraang mga paglabag; pinapatawad Kita nang paulit-ulit, tinatalikdan ang iyong negatibong panig upang tumingin lamang sa iyong positibong panig, sapagka’t lahat ng Aking salita at gawain sa kasalukuyan ay upang iligtas ka at wala Akong masamang layunin sa iyo. Nguni’t tumatanggi kang pumasok; hindi mo makita ang pagkakaiba ng mabuti sa masama at hindi mo alam kung paano pahalagahan ang kagandahang-loob. Hindi ba ang gayong mga tao ay naghihintay lamang sa pagdating ng kaparusahan at matuwid na kagantihan?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Katotohanang Nakapaloob sa Gawain ng Paglupig 1

666. Ang Aking paggawa sa inyo ay hindi kailanman katulad ng paggawa ni Jehova sa Israel, at, lalo na, hindi ito katulad ng gawaing ginawa ni Jesus sa Judea. Nagsasalita at gumagawa Ako nang may matinding pagpaparaya, at nilulupig Ko ang masasamang taong ito nang may galit at paghatol. Hindi ito kagaya ng pag-akay ni Jehova sa Kanyang mga tao sa Israel. Ang Kanyang gawain sa Israel ay upang magkaloob ng pagkain at tubig na buhay, at puno Siya ng habag at pagmamahal para sa Kanyang mga tao habang nagkakaloob sa kanila. Ang gawain ngayon ay ginagawa sa isang isinumpang bansa ng mga taong hindi hinirang. Walang saganang pagkain, ni walang pamatid-uhaw na pangangalaga ng tubig na buhay, at lalo nang walang panustos ng sapat na mga materyal na bagay; mayroon lamang panustos ng sapat na paghatol, sumpa, at pagkastigo. Ang mga uod na ito na naninirahan sa bunton ng dumi ng hayop ay talagang hindi karapat-dapat na magtamo ng mga bundok na puno ng mga baka at tupa, malaking kayamanan, at pinakamagagandang anak sa buong lupain, na tulad ng ipinagkaloob Ko sa Israel. Ang makabagong Israel ay nag-aalay ng baka at tupa at ginto at pilak sa altar na ginagamit Ko para pangalagaan ang mga taong ito, na hinihigitan pa ang ikapung hinihiling ni Jehova sa ilalim ng batas, at sa gayon ay nabigyan Ko sila ng higit pa—higit pa sa isang daang ulit ng makakamit noon ng Israel sa ilalim ng batas. Yaong ginagamit Ko para pangalagaan ang Israel ay hinihigitan pa ang lahat ng nakamit ni Abraham, at lahat ng nakamit ni Isaac. Gagawin Kong mabunga at pararamihin Ko ang pamilya ng Israel, at ikakalat Ko ang Aking mga tao ng Israel sa buong mundo. Yaong mga pinagpapala at kinakalinga Ko ay mga hinirang na tao pa rin ng Israel—ibig sabihin, ang mga taong inaalay ang lahat sa Akin at natamo na ang lahat mula sa Akin. Ito ay sa dahilang isinasaisip nila Ako kaya nila isinasakripisyo ang kanilang mga bagong-silang na mga guya at cordero sa Aking banal na altar at inaalay ang lahat ng mayroon sila sa Aking harapan, maging hanggang sa ialay nila ang kanilang bagong-silang na mga panganay na anak sa pag-asam sa Aking pagbabalik. At kayo naman? Ginagalit ninyo Ako, humihiling kayo sa Akin, at ninanakaw ninyo ang mga sakripisyo ng mga nag-aalay ng mga bagay-bagay sa Akin, at hindi ninyo alam na nagkakasala kayo sa Akin; sa gayon, ang tanging napapala ninyo ay pagtangis at parusa sa kadiliman. Napukaw ninyo ang Aking galit nang maraming beses, at nagpaulan na Ako ng Aking mga nagbabagang apoy hanggang sa marami-rami nang tao ang nakaranas ng malagim na wakas, at naging mapapanglaw na libingan ang masasayang tahanan. Ang mayroon lamang Ako para sa mga uod na ito ay walang-katapusang galit, at wala Akong layon na pagpalain sila. Gumawa Ako ng eksepsyon at itinaas Ko kayo para lamang sa kapakanan ng Aking gawain, at nagtiis Ako ng matinding kahihiyan at gumawa sa inyo. Kung hindi para sa kalooban ng Aking Ama, paano Ako maninirahan sa iisang bahay na kasama ang mga uod na pagapang-gapang sa paligid ng bunton ng dumi ng hayop? Muhing-muhi Ako sa lahat ng inyong kilos at salita, at kahit paano, dahil may bahagya Akong “interes” sa inyong karumihan at pagkasuwail, naging malaking koleksyon ito ng Aking mga salita. Kung hindi ay talagang hindi Ako mananatili sa inyong piling nang napakatagal. Samakatuwid, dapat ninyong malaman na ang Aking saloobin sa inyo ay pagdamay at awa lamang; wala Ako ni katiting na pagmamahal para sa inyo. Nagpaparaya lamang Ako sa inyo, dahil ginagawa Ko lamang ito alang-alang sa Aking gawain. At nakita na ninyo ang Aking mga gawa dahil lamang sa napili Ko ang karumihan at pagkasuwail bilang “mga kagamitang panangkap”; kung hindi, talagang hindi Ko ibubunyag ang Aking mga gawa sa mga uod na ito. Gumagawa lamang Ako sa inyo nang may pag-aatubili, ni hindi man lang katulad ng kahandaan at pagkukusang-loob Ko nang gawin Ko ang Aking gawain sa Israel. Taglay Ko ang Aking galit habang pinipilit Ko ang Aking sarili na magsalita sa inyo. Kung hindi lamang para sa Aking mas malaking gawain, paano Ko matitiis na patuloy na makita ang mga uod na iyon? Kung hindi para sa kapakanan ng Aking pangalan, matagal na sana Akong nakaakyat sa pinakamataas na kaitaasan at ganap na sinunog ang mga uod na ito kasama ang kanilang bunton ng dumi ng hayop! Kung hindi para sa kapakanan ng Aking kaluwalhatian, paano Ko mapapayagan ang masasamang demonyong ito na lantarang labanan Ako na umiiling-iling ang kanilang ulo sa Aking harapan? Kung hindi para isakatuparan nang maayos ang Aking gawain nang wala ni katiting na hadlang, paano Ko matutulutan ang parang-uod na mga taong ito na walang-pakundangan Akong abusuhin? Kung ang isang daang tao sa isang nayon sa Israel ay tumayo upang labanan Ako nang gaya nito, kahit gumawa sila ng mga sakripisyo sa Akin, buburahin Ko pa rin sila at isasadlak sa mga bitak sa lupa upang hadlangan ang mga tao sa ibang mga lungsod na muling maghimagsik. Ako ay isang apoy na tumutupok sa lahat at hindi Ko kinukunsinti ang pagkakasala. Dahil Ako ang lumikha sa lahat ng mga tao, anuman ang sabihin at gawin Ko, kailangan silang sumunod, at hindi sila maaaring maghimagsik. Walang karapatan ang mga tao na makialam sa Aking gawain, at lalong hindi sila karapat-dapat na suriin kung ano ang tama o mali sa Aking gawain at sa Aking mga salita. Ako ang Panginoon ng paglikha, at dapat makamit ng mga nilalang ang lahat ng hinihiling Ko nang may pusong may paggalang sa Akin; hindi nila dapat subukang mangatwiran sa Akin, at lalo nang hindi sila dapat lumaban. Pinamamahalaan Ko ang Aking mga tao gamit ang Aking awtoridad, at lahat niyaong bahagi ng Aking paglikha ay dapat magpasakop sa Aking awtoridad. Bagama’t ngayon ay matapang at mapangahas kayo sa Aking harapan, bagama’t sinusuway ninyo ang mga salitang itinuturo Ko sa inyo at wala kayong kinatatakutan, tinutugunan Ko lamang ng pagpaparaya ang inyong pagkasuwail; hindi Ako mawawalan ng pagtitimpi at hindi Ko aapektuhan ang Aking gawain nang dahil sa ikinalat ng maliliit, walang-halagang mga uod ang dumi sa bunton ng dumi ng hayop. Tinitiis Ko ang patuloy na pag-iral ng lahat ng Aking kinamumuhian at lahat ng bagay na Aking kinasusuklaman alang-alang sa kalooban ng Aking Ama, at gagawin Ko iyon hanggang sa matapos ang Aking mga pahayag, hanggang sa kahuli-hulihan Kong sandali. Huwag kang mag-alala! Hindi Ako maaaring masadlak sa antas ng isang di-kilalang uod, at hindi Ko ikukumpara ang antas ng Aking kakayahan sa iyo. Kinamumuhian kita, nguni’t nagagawa Kong magtiis. Sinusuway mo Ako, nguni’t hindi ka makakatakas sa araw na kakastiguhin kita, na ipinangako sa Akin ng Aking Ama. Maikukumpara ba ang isang nilikhang uod sa Panginoon ng paglikha? Sa taglagas, nagbabalik ang nalalaglag na mga dahon sa mga ugat nito; babalik ka sa tahanan ng iyong “ama,” at babalik Ako sa tabi ng Aking Ama. Sasamahan Ako ng Kanyang magiliw na pagmamahal, at susundan ka ng pagtapak ng iyong ama. Mapapasaakin ang kaluwalhatian ng Aking Ama, at mapapasaiyo ang kahihiyan ng iyong ama. Gagamitin Ko ang pagkastigong matagal Ko nang pinipigilang ipataw sa iyo, at sasalubungin mo ang Aking pagkastigo ng iyong maantang laman na sampu-sampong libong taon nang naging tiwali. Matatapos Ko ang Aking gawain ng mga salita sa iyo, kasama ang pagpaparaya, at magsisimula kang tuparin ang papel ng pagdurusa ng kapahamakan mula sa Aking mga salita. Lubos Akong magagalak at gagawa sa Israel; tatangis ka at magngangalit ang iyong mga ngipin, na umiiral at namamatay sa putikan. Babawiin Ko ang Aking orihinal na anyo at hindi na Ako mananatili sa dumi na kasama mo, samantalang babawiin mo ang iyong orihinal na kapangitan at patuloy kang maglulungga sa bunton ng dumi ng hayop. Kapag natapos na ang Aking gawain at mga salita, iyon ay magiging isang araw ng kagalakan para sa Akin. Kapag natapos na ang iyong paglaban at pagkasuwail, iyon ay magiging isang araw ng pagtangis para sa iyo. Hindi Ako mahahabag sa iyo, at hindi mo na Ako muling makikita kailanman. Hindi na Ako makikipag-usap sa iyo, at hindi mo na Ako muling makakatagpo kailanman. Kamumuhian Ko ang iyong pagkasuwail, at mangungulila ka sa Aking pagiging kaibig-ibig. Hahampasin kita, at mananabik ka sa Akin. Masaya kitang lilisanin, at malalaman mo ang iyong pagkakautang sa Akin. Hindi na kita muling makikita kailanman, nguni’t lagi kang aasa sa Akin. Kamumuhian kita dahil kasalukuyan Mo Akong nilalabanan, at mangungulila ka sa Akin dahil kasalukuyan kitang kinakastigo. Hindi Ko nanaising mabuhay sa tabi mo, nguni’t mapait mo itong hahangarin at mananangis ka hanggang sa walang-hanggan, sapagka’t pagsisisihan mo ang lahat ng nagawa mo sa Akin. Makakaramdam ka ng pagsisisi sa iyong pagkasuwail at paglaban, isusubsob mo pa ang iyong mukha sa lupa sa pagsisisi at magpapatirapa ka sa Aking harapan at susumpa na hindi mo na Ako muling susuwayin. Gayunman, sa puso mo ay Ako lamang ang iyong mamahalin, subalit hindi mo na maririnig ang Aking tinig kailanman. Gagawin Kitang nahihiya sa iyong sarili.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kapag ang mga Dahong Nalalaglag ay Bumalik sa mga Ugat Nito, Pagsisisihan Mo ang Lahat ng Kasamaang Nagawa Mo

667. Tinitingnan Ko ngayon ang iyong mapagpalayaw na laman na manloloko sa Akin, at may maliit lamang Akong babala para sa iyo, bagama’t hindi kita “papatawan” ng pagkastigo. Dapat mong malaman kung anong papel ang ginagampanan mo sa Aking gawain, at pagkatapos ay masisiyahan na Ako. Bukod pa sa mga bagay na ito, kung lalabanan mo Ako o gagastusin mo ang Aking pera, o kakainin mo ang mga sakripisyo para sa Akin, si Jehova, o magkakagatan kayong mga uod, o kung kayo na parang mga aso ay may mga alitan o nilalapastangan ninyo ang isa’t isa—wala Akong pakialam sa anuman diyan. Kailangan lamang ninyong malaman kung ano kayong uri ng mga bagay, at masisiyahan na Ako. Maliban sa lahat ng ito, kung gusto ninyong magsaksakan o labanan ang isa’t isa sa mga salita, ayos lang; wala Akong hangaring makialam sa gayong mga bagay, at hindi Ako sangkot sa mga usapin ng tao. Hindi sa wala Akong pakialam tungkol sa mga alitan sa pagitan ninyo; kaya lang hindi Ako isa sa inyo, at sa gayon ay hindi Ako nakikibahagi sa mga usapin sa pagitan ninyo. Ako Mismo ay hindi isang nilalang at hindi Ako makamundo, kaya kinamumuhian Ko ang magulong buhay ng mga tao at ang magulo at di-wastong mga ugnayan sa pagitan nila. Kinamumuhian Ko lalo na ang maiingay na umpukan ng mga tao. Gayunman, malalim ang kaalaman Ko tungkol sa mga karumihan sa puso ng bawat nilalang, at bago Ko kayo nilikha, alam Ko na ang di-pagkamatuwid na umiral sa kaibuturan ng puso ng mga tao, at alam Ko ang lahat ng panlilinlang at kabuktutan sa puso ng tao. Samakatuwid, kahit ni wala man lang anumang mga bakas kapag gumagawa ng masasamang bagay ang mga tao, alam Ko pa rin na ang kasamaang kimkim ninyo sa inyong puso ay higit pa sa kayamanan ng lahat ng bagay na Aking nilikha. Bawat isa sa inyo ay nakaakyat na sa tugatog ng maraming tao; nakaakyat na kayo upang maging mga ninuno ng masa. Masyado kayong padalus-dalos, at naghuhuramentado kayo sa gitna ng lahat ng uod, na naghahanap ng isang maginhawang lugar at nagtatangkang lamunin ang mga uod na mas maliliit kaysa sa inyo. Malisyoso kayo at masama sa inyong puso, na higit pa maging sa mga multo na lumubog na sa pusod ng dagat. Naninirahan kayo sa ilalim ng tae, ginagambala ang mga uod mula ibabaw hanggang ilalim hanggang sa mawalan na ng kapayapaan ang mga ito, nag-aaway sandali at pagkatapos ay kumakalma. Hindi ninyo alam ang inyong lugar, subalit nilalabanan pa rin ninyo ang isa’t isa sa tae. Ano ang mapapala ninyo sa ganyang sagupaan? Kung totoong mayroon kayong pagpipitagan para sa Akin sa inyong puso, paano ninyo naaatim na mag-away-away sa Aking likuran? Gaano man kataas ang iyong katungkulan, hindi ba mabaho ka pa ring maliit na uod sa tae? Magagawa mo bang magpatubo ng mga pakpak at maging isang kalapati sa himpapawid? Ninanakaw ninyong mababahong maliliit na uod ang mga alay mula sa altar Ko, si Jehova; sa paggawa noon, kaya ba ninyong sagipin ang inyong nasira at bumagsak na reputasyon at maging hinirang na mga tao ng Israel? Mga walanghiya kayo! Ang mga sakripisyong iyon sa altar ay inialay sa Akin ng Aking mga tao, bilang pagpapahayag ng mabubuting damdamin mula sa mga nagpipitagan sa Akin. Ang mga iyon ay para Aking kontrolin at Aking gamitin, kaya paano mo Ako posibleng nakawan ng maliliit na kalapating ipinagkaloob sa Akin ng mga tao? Hindi ka ba natatakot na maging isang Judas? Hindi ka ba natatakot na baka mapuno ng dugo ang iyong lupain? Walanghiya ka! Palagay mo ba, ang mga kalapating inialay ng mga tao ay para busugin ang tiyan mo na isang uod? Ang naibigay Ko sa iyo ay ang nasisiyahan at handa Akong ibigay sa iyo; ang hindi Ko naibigay sa iyo ay gagamitin Ko kung paano Ko gusto. Hindi mo maaaring basta na lang nakawin ang mga alay sa Akin. Ang gumagawa ay Ako, si Jehova—ang Panginoon ng paglikha—at nag-aalay ng mga sakripisyo ang mga tao dahil sa Akin. Palagay mo ba, kabayaran ito para sa lahat ng pag-aabalang ginagawa mo? Walanghiya ka talaga! Para kanino ka ba nag-aabala? Hindi ba para sa sarili mo? Bakit mo ninanakaw ang mga sakripisyo sa Akin? Bakit ka nagnanakaw ng pera mula sa Aking supot ng salapi? Hindi ba ikaw ang anak ni Judas Iscariote? Ang mga sakripisyo sa Akin, si Jehova, ay para tamasahin ng mga saserdote. Saserdote ka ba? Nangangahas kang kainin nang may kayabangan ang mga sakripisyo sa Akin, at inihahain mo pa ang mga iyon sa mesa; wala kang kuwenta! Wala kang kuwentang walanghiya ka! Susunugin ka ng Aking apoy, ang apoy ni Jehova!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kapag ang mga Dahong Nalalaglag ay Bumalik sa mga Ugat Nito, Pagsisisihan Mo ang Lahat ng Kasamaang Nagawa Mo

668. Ako ay nakagawa at nakapagsalita sa ganitong paraan kasama ninyo, Ako ay gumugol ng napakaraming lakas at pagsisikap, nguni’t kailan ba kayo nakinig sa malinaw na sinasabi Ko sa inyo? Saan kayo yumukod sa Akin, ang Makapangyarihan sa lahat? Bakit ninyo Ako tinatrato nang ganito? Bakit lahat ng inyong sinasabi at ginagawa ay pumupukaw ng Aking galit? Bakit napakatigas ng inyong mga puso? Pinabagsak Ko ba kayo kahit minsan? Bakit wala kayong ginagawa kundi gawin Akong nalulungkot at nababalisa? Hinihintay ba ninyo ang araw ng poot Ko, si Jehova, na dumating sa inyo? Hinihintay ba ninyo na ipadala Ko ang galit na pinukaw ng inyong pagsuway? Hindi ba ang lahat ng Aking ginagawa ay para sa inyo? Nguni’t laging ang turing ninyo sa Akin, si Jehova, ay ganito: ninanakaw ang Aking mga alay, inuuwi ang mga handog sa Aking altar papunta sa tirahan ng lobo upang pakainin ang mga batang lobo at ang mga anak ng mga batang lobo; lumalaban sa isa’t isa ang mga tao, humaharap sa isa’t isa na may galit sa mga mata at mga tabak at sibat, itinatapon ang mga salita Ko, ang Makapangyarihan sa lahat, sa palikuran upang maging kasing-dungis ng dumi. Nasaan ang inyong integridad? Ang inyong pagkatao ay naging kahayupan! Ang inyong mga puso ay malaon nang mula’t sapul na naging bato. Hindi ba ninyo alam na ang panahon kung kailan dumarating ang araw ng Aking poot ay ang panahon kung kailan Ko hinahatulan ang masasamang ginawa ninyo sa Akin, ang Makapangyarihan sa lahat, ngayon? Akala ba ninyo na sa pamamagitan ng panlilinlang ninyo sa Akin sa ganitong paraan, sa pagtatapon ng Aking mga salita sa putikan at hindi pagdinig sa mga iyon—iniisip ba ninyo na sa pamamagitan ng pagkilos nang ganito sa Aking likuran kayo ay makatatakas sa Aking napopoot na titig? Hindi ba ninyo alam na kayo ay nakita na ng mga mata Ko, si Jehova, nang ninakaw ninyo ang Aking mga alay at pinagnasaan ang kung anong mayroon Ako? Hindi ba ninyo alam na noong ninakaw ninyo ang Aking mga alay, ginawa ninyo ito sa harapan ng altar kung saan ang mga alay ay inihahandog? Paano ninyo napapaniwalaang sapat ang inyong katusuhan para linlangin Ako sa ganitong paraan? Paano ba maaalis ang Aking nagngangalit na poot sa inyong mga karumal-dumal na kasalanan? Paano ba palalampasin ng Aking ngitngit ang inyong masasamang gawain? Ang kasamaan na inyong ginagawa ngayon ay hindi nagbibigay ng daang palabas para sa inyo, bagkus ito ay nag-iipon ng pagkastigo para sa inyong kinabukasan; pinupukaw nito ang Aking pagkastigo, ang Makapangyarihan sa lahat, patungo sa inyo. Paano makatatakas ang inyong masasamang gawain at masasamang salita mula sa Aking pagkastigo? Paano makararating ang inyong mga panalangin sa Aking mga tainga? Paano Ako magbubukas ng labasan para sa inyong di-pagkamakatuwiran? Paano Ko pababayaan ang inyong masasamang gawain sa paglaban sa Akin? Paano Ko hindi puputulin ang inyong mga dilang makamandag kagaya ng sa ahas? Hindi kayo tumatawag sa Akin para sa kapakanan ng inyong pagkamakatuwiran, bagkus iniipon ang Aking poot dahil sa inyong di-pagkamakatuwiran. Paano Ko kayo mapapatawad? Sa mga mata Ko, ang Makapangyarihan sa lahat, ang inyong mga salita at kilos ay marungis. Ang mga mata Ko, ang Makapangyarihan sa lahat, ay nakakakita sa inyong di-pagkamakatuwiran bilang walang-tigil na pagkastigo. Paano maaalis ang Aking matuwid na pagkastigo at paghatol sa inyo? Dahil ginagawa ninyo ito sa Akin, ginagawa Akong malungkot at napopoot, paano Ko mahahayaang makawala kayo sa Aking mga kamay at mahiwalay sa araw na Ako, si Jehova, ay kakastigo at magsusumpa sa inyo? Hindi ba ninyo alam na ang lahat ng masasama ninyong salita at mga binibigkas ay nakarating na sa Aking mga tainga? Hindi ba ninyo alam na ang inyong di-pagkamakatuwiran ay nakadungis na sa Aking banal na balabal ng pagkamakatuwiran? Hindi ba ninyo alam na ang inyong pagsuway ay nakapukaw na sa Aking matinding galit? Hindi ba ninyo alam na noon pa ninyo Ako iniiwang nagngingitngit, at noon pa ninyo sinusubukan ang Aking pasensiya? Hindi ba ninyo alam na nasira na ninyo ang Aking katawang-tao, naging basahan na ito? Nakapagtiis Ako hanggang ngayon, anupa’t pinakakawalan Ko ang Aking galit, hindi na mapagparaya tungo sa inyo. Hindi ba ninyo alam na ang inyong masasamang gawain ay nakarating na sa Aking mga mata, at ang Aking mga hinagpis ay narinig na ng Aking Ama? Paano Niya mapapayagang ituring ninyo Ako nang ganito? Hindi ba ang alinman sa Aking mga ginagawa sa inyo ay para sa inyong kapakanan? Subalit sino sa inyo ang naging mas mapagmahal sa gawain Ko, si Jehova? Ako ba ay magiging di-tapat sa kalooban ng Aking Ama dahil marupok Ako, at dahil sa pighating napagdusahan Ko? Hindi ba ninyo nauunawaan ang Aking puso? Kinakausap Ko kayo gaya ng ginawa ni Jehova; hindi ba napakarami na Akong tinalikuran para sa inyo? Kahit na Ako ay nakahanda na pasanin ang lahat ng pagdurusang ito para sa kapakanan ng gawain ng Aking Ama, paano kayo makalalaya mula sa pagkastigo na Aking ipinapataw sa inyo dahil sa Aking pagdurusa? Hindi ba ninyo Ako natatamasa nang sobra-sobra? Ngayon, Ako ay ipinagkaloob sa inyo ng Aking Ama; hindi ba ninyo alam na mas marami kayong natatamasa kaysa sa Aking mapagbiyayang mga salita? Hindi ba ninyo alam na ang Aking buhay ay ipinagpalit sa inyong buhay at sa mga bagay na inyong kinalulugdan? Hindi ba ninyo alam na ginamit ang buhay Ko ng Aking Ama upang labanan si Satanas, at ipinagkaloob din Niya ang Aking buhay sa inyo, nagsasanhi sa inyo na tumanggap nang makasandaang beses, at tinutulutang makaiwas kayo sa napakaraming tukso? Hindi ba ninyo alam na sa pamamagitan lamang ng Aking gawain kayo ay nakaiwas sa maraming tukso, at sa maraming nagliliyab na pagkastigo? Hindi ba ninyo alam na dahil lamang sa Akin kaya pinapayagan kayo ng Aking Ama na magsaya hanggang sa ngayon? Paano ninyo naaatim na manatiling napakatigas ng ulo ninyo ngayon, na para bang naging manhid na ang inyong puso? Paanong ang kasamaan na inyong ginagawa ngayon ay makatatakas sa araw ng poot na susunod sa Aking pag-alis mula sa lupa? Paano Ko matutulutan yaong mga napakatigas ng ulo na matakasan ang galit ni Jehova?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Walang Sinumang May Katawan ang Makakatakas sa Araw ng Poot

669. Gunitain ninyo ang nakaraan: Kailan naging galit ang Aking titig, at ang tinig Ko’y malupit, sa inyo? Kailan Ako nakipagtalo sa inyo? Kailan Ko ba kayo pinagsabihan nang wala sa katuwiran? Kailan Ko ba kayo pinagsabihan nang harap-harapan? Hindi ba ito para sa kapakanan ng Aking gawain kaya Ako ay nananawagan sa Aking Ama upang ingatan kayo mula sa tukso? Bakit ninyo Ako tinatrato nang ganito? Kahit kailan ba’y nagamit Ko ang Aking awtoridad upang pabagsakin ang inyong mga laman? Bakit ninyo Ako sinusuklian nang ganito? Matapos kayong mag-urong-sulong tungo sa Akin, hindi kayo mainit ni malamig, at pagkatapos ay tinatangka ninyong utuin Ako at pagtaguan Ako ng mga bagay-bagay, at ang inyong mga bibig ay puno ng dura ng mga di-matuwid. Sa tingin ba ninyo ay madadaya ng inyong mga dila ang Aking Espiritu? Sa tingin ba ninyo ay matatakasan ng inyong mga dila ang Aking poot? Sa tingin ba ninyo ay makakapagbigay ng paghatol ang inyong mga dila sa mga gawa Ko, si Jehova, paano man ng mga ito naisin? Ako ba ang Diyos na binibigyang-hatol ng tao? Mapapayagan Ko ba na ang isang maliit na uod ay lumapastangan sa Akin? Paano Ko mailalagay ang ganoong mga anak ng pagsuway sa gitna ng Aking mga walang-hanggang pagpapala? Ang inyong mga salita at gawa ay matagal nang naglantad at humatol sa inyo. Nang Aking iniunat ang mga kalangitan at nilikha ang lahat ng bagay, hindi Ko tinulutan ang kahit anong nilalang na lumahok ayon sa kanilang kagustuhan, lalong hindi Ko tinulutan ang kahit na anong bagay na gambalain ang Aking gawain at Aking pamamahala ayon sa kagustuhan nito. Wala Akong hinayaang tao o bagay; paano Ko kahahabagan yaong mga malupit at hindi-makatao tungo sa Akin? Paano Ko mapapatawad yaong mga nag-aalsa laban sa Aking mga salita? Paano Ko kahahabagan yaong mga sumusuway sa Akin? Ang kapalaran ba ng tao ay wala sa mga kamay Ko, ang Makapangyarihan sa lahat? Paano Ko maituturing ang iyong di-pagkamakatuwiran at pagkamasuwayin bilang banal? Paano madudungisan ng iyong mga kasalanan ang Aking kabanalan? Ako ay hindi nadudungisan ng karumihan ng di-matuwid, ni kinatutuwaan Ko ang mga alay ng mga di-matuwid. Kung ikaw ay tapat sa Akin, si Jehova, makukuha mo ba para sa sarili mo ang mga alay sa Aking altar? Magagamit mo ba ang iyong makamandag na dila upang lapastanganin ang Aking banal na pangalan? Makakapag-alsa ka ba laban sa Aking mga salita sa ganitong paraan? Maituturing mo ba ang Aking kaluwalhatian at banal na pangalan bilang isang kasangkapan upang maglingkod kay Satanas, ang masama? Ang Aking buhay ay inilalaan para sa kasiyahan ng mga banal. Paano kita mahahayaang paglaruan ang Aking buhay ayon sa iyong kagustuhan, at gamitin ito bilang isang kasangkapan sa alitan ninyo? Paano kayo nagiging napaka-walang-puso, at kulang na kulang sa daan ng kabutihan, sa kung paano kayo nakikitungo sa Akin? Hindi ba ninyo alam na naitala Ko na ang inyong masasamang gawain sa mga salitang ito ng buhay? Paano ninyo matatakasan ang araw ng poot kapag kinastigo Ko ang Ehipto? Paano Ko kayo mahahayaang labanan at sumuway sa ganitong paraan, nang paulit ulit? Sinasabi Ko sa inyo nang malinaw, pagdating ng araw, ang inyong pagkastigo ay magiging higit na di-matitiis kaysa roon sa Ehipto! Paano ninyo matatakasan ang Aking araw ng poot? Sinasabi Ko sa inyo nang buong katotohanan: Ang Aking pagtitiis ay inihanda para sa inyong masasamang gawain, at umiiral para sa inyong pagkastigo sa araw na iyon. Hindi ba kayo ang siyang magdurusa ng matinding-poot na paghatol kapag napuno na Ako sa Aking pagtitiis? Hindi ba ang lahat ng bagay ay nasa mga kamay Ko, ang Makapangyarihan sa lahat? Paano Ko mapapayagang suwayin ninyo Ako nang ganito, sa ilalim ng kalangitan? Ang inyong mga buhay ay magiging napakahirap dahil nakatagpo ninyo ang Mesiyas, na nasabing Siyang darating, nguni’t hindi dumating kailanman. Hindi ba kayo ang Kanyang mga kaaway? Si Jesus ay nakipagkaibigan sa inyo, nguni’t kayo ang mga kaaway ng Mesiyas. Hindi ba ninyo alam na bagama’t kayo ay mga kaibigan ni Jesus, ang inyong masasamang gawain ay pumuno ng mga sisidlan niyaong mga karumal-dumal? Kahit na kayo ay napakamalapit kay Jehova, hindi ba ninyo alam na ang inyong masasamang salita ay nakarating na sa mga tainga ni Jehova at pumukaw ng Kanyang poot? Paano Siya magiging malapit sa iyo, at paano Niya hindi susunugin ang iyong mga sisidlan, na puno ng masasamang gawain? Paanong hindi Siya naging iyong kaaway?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Walang Sinumang May Katawan ang Makakatakas sa Araw ng Poot

670. Nakaupo kayong lahat sa mga luklukan ng kagarbohan, pinangangaralan sila na mga nakababatang salinlahi ng inyong uri at pinauupo silang lahat kasama mo. Hindi ninyo alam na ang “mga inapo” ninyo ay matagal nang naubusan ng hininga at naiwala ang gawain Ko. Nagniningning ang luwalhati Ko mula sa lupain ng Silangan hanggang sa lupain ng Kanluran, gayon pa man sa paglaganap nito hanggang sa mga dulo ng lupa at sa pagsisimula nitong bumangon at magningning, kukunin Ko ang luwalhati Ko mula sa Silangan at dadalhin ito sa Kanluran upang ang mga tao ng kadiliman, na tinalikuran Ako sa Silangan, ay pagkakaitan ng pagtanglaw mula sa sandaling iyon. Kapag nangyari iyon, mamumuhay kayo sa lambak ng anino. Bagamat ang mga tao sa mga araw na ito ay isandaang beses na mas mabuti kaysa noon, hindi pa rin nila natutugunan ang mga hinihingi Ko, at hindi pa rin sila isang patotoo sa luwalhati Ko. Ang pagiging isandaang beses na mas mabuti ninyo kaysa noon ay resultang lahat ng gawain Ko; ito ang bungang dala ng gawain Ko sa lupa. Gayunman, nakararamdam pa rin Ako ng pagkasuklam sa mga salita at gawain ninyo, pati na rin sa pagkatao ninyo, at nakararamdam Ako ng labis na paghihinanakit sa paraan ng pagkilos ninyo sa harap Ko, dahil wala kayong anumang pagkaunawa sa Akin. Kung gayon, paano ninyo maisasabuhay ang luwalhati Ko, at paano kayo magiging lubusang matapat sa gawain Ko sa hinaharap? Napakaganda ng pananampalataya ninyo; sinasabi ninyong handa kayong gugulin ang buong buhay ninyo sa ngalan ng gawain Ko, at na handa kayong ialay ang mga buhay ninyo para dito, ngunit hindi gaanong nagbago ang mga disposisyon ninyo. Mapagmataas lamang kayong nagsasalita, sa kabila ng katotohanang ubod ng sama ng aktuwal na pag-uugali ninyo. Ito ay para bang nasa langit ang mga dila at labi ng mga tao ngunit naroroon sa lupa ang mga binti nila, at bunga nito, gutay-gutay at wasak pa rin ang mga salita at mga gawa at mga dangal nila. Nawasak na ang mga dangal ninyo, malahayop ang ugali ninyo, ang paraan ninyo ng pagsasalita ay mababa, at kasuklam-suklam ang mga buhay ninyo; maging ang kabuuan ng pagkatao ninyo ay lumubog na sa hamak na kababaan. Makitid ang isip ninyo tungo sa iba, at nakikipagtalo kayo sa bawat maliit na bagay. Nakikipag-away kayo tungkol sa sarili ninyong mga reputasyon at katayuan, kahit na sa puntong handa kayong bumaba sa impiyerno at sa lawa ng apoy. Sapat na sa Akin ang kasalukuyang mga salita at mga gawa ninyo upang matukoy na makasalanan kayo. Ang saloobin ninyo tungo sa gawain Ko ay husto na para matukoy Ko na kayo ay mga di-matuwid, at ang lahat ng mga disposisyon ninyo ay sapat na upang masabing kayo ay ang mga marurungis na kaluluwang puno ng mga karimarimarim na bagay. Ang mga ipinamamalas ninyo at kung ano ang ibinubunyag ninyo ay husto na upang sabihing mga tao kayong nakainom ng labis na dugo ng maruruming espiritu. Kapag nababanggit ang pagpasok sa kaharian, hindi ninyo ibinubunyag ang mga damdamin ninyo. Naniniwala ba kayong kung ano kayo ngayon ay sapat na para makalakad kayo papasok sa pultahan ng Aking kaharian ng langit? Naniniwala ba kayong makakapasok kayo sa banal na lupain ng gawain at mga salita Ko, nang hindi Ko muna nasusubok ang sarili ninyong mga salita at mga gawa? Sino ang makapagtatakip sa mga mata Ko? Paano makatatakas sa paningin Ko ang kasuklam-suklam at abang mga pag-uugali at mga pakikipag-usap ninyo? Natukoy Ko na ang mga buhay ninyo bilang mga buhay ng pag-inom ng dugo at pagkain ng laman nila na maruruming espiritu sapagkat tinutularan ninyo ang mga ito sa harapan Ko bawat araw. Sa harap Ko, masyadong masama ang pag-uugali ninyo, kaya paano Ko kayo hindi maituturing na nakasusuklam? Naglalaman ang mga salita ninyo ng mga karumihan ng maruruming espiritu: Nanlilinlang, nagkukubli, at nambobola kayo kagaya nila na nakikibahagi sa pangkukulam at kagaya nila na taksil at umiinom ng dugo ng mga hindi matuwid. Ubod ng baliko ang lahat ng mga pagpapahayag ng tao, kaya paano mailalagay ang lahat ng tao sa banal na lupain kung saan naroroon ang mga matuwid? Iniisip mo bang ituturing kang banal dahil sa kasuklam-suklam mong pag-uugali kumpara sa kanila na hindi matuwid? Sisirain kalaunan ng mala-ahas mong dila itong laman mong nagdudulot ng pagkawasak at gumagawa ng mga karimarimarim na bagay, at ang mga kamay mong iyon na nababalutan ng dugo ng maruruming espiritu ay hihilahin din kalaunan ang kaluluwa mo sa impiyerno. Kung gayon, bakit hindi ka lumulukso sa pagkakataong ito na linisin ang mga kamay mong puno ng dungis? At bakit hindi mo sinasamantala ang pagkakataong ito na putulin ang dila mong iyan na nagsasalita ng hindi matuwid na mga salita? Maaari kayang handa kang magdusa sa mga apoy ng impiyerno alang-alang sa mga kamay, dila, at mga labi mo? Binabantayan Ko ng dalawang mata ang puso ng lahat, sapagkat matagal na panahon bago Ko pa nilikha ang sangkatauhan, nahawakan Ko na ang mga puso nila sa Aking mga kamay. Matagal Ko nang natalos ang mga puso ng mga tao, kaya paano makatatakas sa paningin Ko ang mga kaisipan nila? Paanong hindi pa masyadong huli upang makatakas sila sa pagsunog ng Espiritu Ko?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Masyadong Hamak ang Pagkatao Ninyong Lahat!

671. Nasa gitna na ninyo Ako, nakikisalamuha sa inyo sa loob ng ilang tagsibol at taglagas; namuhay na Ako sa gitna ninyo sa loob ng matagal na panahon, at namuhay kasama ninyo. Gaano karami sa kasuklam-suklam ninyong pag-uugali ang nakalampas sa mismong harapan ng mga mata Ko? Patuloy na umaalingawngaw sa mga tainga Ko ang mga taos-puso ninyong mga salita; milyun-milyon ng mga mithiin ninyo ang nailatag na sa dambana Ko—masyadong marami upang mabilang. Gayunman, sa inyong dedikasyon at ayon sa kung ano ang ginugugol ninyo, hindi kayo nagbibigay nang kahit karampot. Hindi man lamang kayo naglalagay ng kahit isang munting patak ng katapatan sa dambana Ko. Nasaan ang mga bunga ng paniniwala ninyo sa Akin? Nakatanggap kayo ng walang-hanggang biyaya mula sa Akin, at nakakita kayo ng walang-hanggang mga hiwaga mula sa langit; ipinakita Ko pa sa inyo ang mga apoy ng langit, ngunit wala sa puso Ko ang sunugin kayo. Gayon man, gaano karami ang naibigay ninyo sa Akin bilang kapalit? Gaano karami ang handa kayong ibigay sa Akin? Sa pamamagitan ng pagkaing ibinigay Ko sa iyo na nasa kamay mo, bumaling ka at iniaalay ito sa Akin, kahit umaabot pang sabihing isa itong bagay na nakuha mo kapalit ng pawis ng pinaghirapan mo at na iniaalay mo sa Akin ang lahat ng pag-aari mo. Paanong hindi mo alam na ang “mga ambag” mo sa Akin ay ang lahat ng ninakaw mo lamang mula sa dambana Ko? Bukod dito, ngayon na iniaalay mo ang mga iyan sa Akin, hindi mo ba Ako dinadaya? Paanong hindi mo alam na ang tinatamasa Ko ngayon ay lahat ng mga handog sa dambana Ko, at hindi kung ano ang kinita mo mula sa pagsisipag mo at pagkatapos ay inialay sa Akin? Talagang nangangahas kayong dayain Ako sa ganitong paraan, kaya paano Ko kayo mapapatawad? Paano ninyo nagagawang umasa na matitiis Ko pa ito nang mas matagal? Naibigay Ko na ang lahat-lahat sa inyo. Nabuksan Ko na ang lahat-lahat sa inyo, nagtustos para sa mga pangangailangan ninyo, at binuksan ang mga mata ninyo, gayon pa man ay dinadaya ninyo Ako na katulad nito, binabalewala ang mga budhi ninyo. Walang pag-iimbot Kong iginawad ang lahat-lahat sa inyo upang kahit pa nagdurusa kayo, nagkamit pa rin kayo mula sa Akin ng lahat-lahat ng nadala Ko mula sa langit. Sa kabila nito, wala kayong dedikasyon sa anumang paraan, at kahit na nakagawa kayo ng munting ambag, sinusubukan ninyong “makipag-ayos ng mga talaan” sa Akin pagkatapos. Hindi ba ang ambag mo ay mawawalan ng halaga? Ang naibigay mo sa Akin ay isang butil lamang ng buhangin, gayon pa man ang hiningi mo sa Akin ay isang toneladang ginto. Hindi ka ba nagiging wala sa katwiran? Gumagawa Ako sa gitna ninyo. Lubos na walang bakas ng sampung porsiyentong dapat Akong mabigyan, lalo na ng anumang karagdagang mga sakripisyo. Higit pa rito, ang sampung porsiyentong iyon na iniambag nila na tapat ay sinunggaban ng masasama. Hindi ba kayo nakakalat na lahat mula sa Akin? Hindi ba kayo palatutol na lahat sa Akin? Hindi ba ginigiba ninyong lahat ang dambana Ko? Paano makikita bilang mga kayamanan sa mga mata Ko ang gayong mga tao? Hindi ba sila mga baboy at mga asong kinamumuhian Ko? Paano Ko ituturing ang paggawa ninyo ng masama bilang isang kayamanan? Para kanino talaga ang ginagawa Ko? Maaari bang ang layunin nito ay para lamang hampasin kayong lahat upang ibunyag ang awtoridad Ko? Hindi ba ang mga buhay ninyo ay nakasalalay lahat sa iisang salita mula sa Akin? Bakit kaya gumagamit lamang Ako ng mga salita upang tagubilinan kayo, at hindi ginawang mga katotohanan ang mga salita upang hampasin kayo sa lalong madaling panahon na kaya Ko? Ang layunin ba ng mga salita at gawain Ko ay para lamang hampasin ang sangkatauhan? Isa ba Akong Diyos na walang habas na pumapatay ng mga walang sala? Sa ngayon, ilan sa inyo ang pumupunta sa harap Ko sa inyong buong pagkatao upang maghangad ng tamang landas sa buhay ng mga tao? Ito lamang mga katawan ninyo ang nasa harapan Ko; nakatakas pa rin ang mga puso ninyo, at malayung-malayo sa Akin. Sapagkat hindi ninyo alam kung ano talaga ang gawain Ko, mayroong ilan sa inyong nais na lisanin Ako at ilayo ang mga sarili ninyo mula sa Akin, at sa halip ay umaasa na mamumuhay sa isang paraisong walang pagkastigo o paghatol. Hindi ba ito ang hinahangad ng mga tao sa mga puso nila? Tiyak na hindi Ko sinusubukang pilitin ka. Anumang landas ang tatahakin mo ay sarili mong kagustuhan. Ang landas ngayon ay may kasamang paghatol at mga sumpa, ngunit dapat malaman ninyong lahat na ang lahat ng iginawad Ko sa inyo—maging mga paghatol man ito o mga pagkastigo—ay ang mga pinakamahusay na kaloob na maipagkakaloob Ko sa inyo, at ang lahat ng mga ito ay mga bagay na kailangang-kailangan na ninyo.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Masyadong Hamak ang Pagkatao Ninyong Lahat!

672. Lahat ng kaluluwang ginawang tiwali ni Satanas ay nasa ilalim ng pagkaalipin sa sakop ni Satanas. Yaon lamang mga naniniwala kay Cristo ang naihiwalay na, nailigtas mula sa kampo ni Satanas, at nadala sa kaharian ngayon. Hindi na nabubuhay ang mga taong ito sa ilalim ng impluwensya ni Satanas. Gayunpaman, ang kalikasan ng tao ay nakaugat pa rin sa laman ng tao, na ibig sabihin ay bagama’t naligtas na ang inyong kaluluwa, ang inyong kalikasan ay gaya pa rin ng dati, at ang posibilidad na ipagkakanulo ninyo Ako ay nananatiling isandaang porsiyento. Ito ang dahilan kung bakit tumatagal nang napakatagal ang Aking gawain, sapagka’t ang inyong kalikasan ay mahirap kontrolin. Ngayon, lahat kayo ay nagdaraan sa mga paghihirap hangga’t makakaya ninyo habang tinutupad ninyo ang inyong mga tungkulin, subalit bawat isa sa inyo ay may kakayahang ipagkanulo Ako at bumalik sa sakop ni Satanas, sa kampo nito, at bumalik sa dati ninyong buhay—hindi maikakaila ang katotohanang ito. Sa panahong iyon, hindi magiging posibleng may makita sa inyo ni katiting na pagkatao o wangis ng tao, na kagaya ninyo ngayon. Sa mga seryosong kaso, kayo ay wawasakin at, higit pa riyan, mapapahamak kayo nang walang-hanggan, parurusahan nang matindi, hindi na kailanman muling magkakatawang-tao. Ito ang problemang nakalahad sa inyong harapan. Pinaaalalahanan Ko kayo sa ganitong paraan, una, upang hindi mawalan ng saysay ang Aking gawain, at pangalawa, upang makapamuhay kayong lahat sa mga panahon ng liwanag. Sa totoo lang, ang malaking problema ay hindi kung may saysay ang Aking gawain o wala. Ang mahalaga ay nagagawa ninyong mabuhay nang masaya at magkaroon ng magandang hinaharap. Ang Aking gawain ay ang gawain ng pagliligtas sa kaluluwa ng mga tao. Kung mahulog ang iyong kaluluwa sa mga kamay ni Satanas, hindi mabubuhay nang payapa ang iyong katawan. Kung pinangangalagaan Ko ang iyong katawan, tiyak na nasa ilalim din ng Aking pangangalaga ang iyong kaluluwa. Kung talagang kinamumuhian kita, mahuhulog kaagad ang iyong katawan at kaluluwa sa mga kamay ni Satanas. Naiisip mo ba ang sitwasyon mo kapag nagkagayon? Kung, isang araw ay mawala sa inyo ang Aking mga salita, ipapasa Ko kayong lahat kay Satanas, na isasailalim kayo sa napakasakit na pagpapahirap hanggang sa lubos na mapawi ang Aking galit, o kaya’y parurusahan Ko nang personal kayong mga hindi na matutubos, sapagkat ang inyong pusong nagkakanulo sa Akin ay hindi na magbabago kailanman.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Napakaseryosong Problema: Pagtataksil 2

673. Umaasa lamang Ako na sa huling yugto ng Aking gawain, maibibigay ninyo ang inyong pinakamahusay na pagganap, at mailalaan ninyo ang inyong mga sarili nang buong puso, hindi na kalahati lamang. Mangyari pa, umaasa rin Ako na lahat kayo ay magkakaroon ng isang magandang hantungan. Gayunpaman, mayroon pa rin Akong kinakailangan, at ito ay ang magawa ninyo ang pinakamahusay na desisyon na ihandog sa Akin ang inyong natatangi at huling pamimintuho. Kung may isang tao na walang ganitong natatanging pamimintuho, tiyak na siya ay isang iniingatang pag-aari ni Satanas, at hindi Ko na ipagpapatuloy ang paggamit sa kanya kundi pauuwiin Ko siya para alagaan ng kanyang mga magulang. Malaking tulong sa inyo ang Aking gawain; ang inaasahan Kong makuha sa inyo ay pusong tapat at naghahangad paitaas, ngunit hanggang sa kasalukuyan, wala pa ring laman ang Aking mga kamay. Pakaisipin ninyo ito: Kung pagdating ng araw ay naaagrabyado pa rin Ako, na walang sapat na mga salitang makapaglarawan dito, ano ang Aking magiging saloobin sa inyo noon? Magiging magiliw pa rin kaya Ako sa inyo katulad ngayon? Magiging ganito pa rin kaya kapayapa ang Aking puso? Nauunawaan ba ninyo ang damdamin ng isang taong matapos maingat na magsaka sa bukid ay hindi man lamang umani ng kahit na isang butil? Nauunawaan ba ninyo kung gaano kalaki ang pinsala sa puso ng isang taong nakaranas ng matinding dagok? Nalalasahan ba ninyo ang pait ng taong noon ay puno ng pag-asa, na kailangang lumayo nang may hidwaan? Nakita na ba ninyo ang poot na nagmumula sa taong pinukaw ang damdamin? Kaya ba ninyong malaman ang pananabik sa paghihiganti ng isang taong pinakitunguhan nang may poot at panlilinlang? Kung naiintindihan ninyo ang pag-iisip ng mga taong ito, sa tingin Ko ay hindi magiging mahirap para sa inyo na maisip ang saloobin ng Diyos sa panahon ng Kanyang pagganti! Bilang pangwakas, umaasa Akong lahat kayo ay lubos na nagsisikap para sa inyong sariling hantungan; bagama’t makabubuting hindi kayo gumamit ng mapanlinlang na mga paraan sa inyong mga pagsusumikap, kung hindi ay patuloy Akong madidismaya sa inyo sa Aking puso. At saan humahantong ang gayong pagkadismaya? Hindi ba ninyo nililinlang ang inyong mga sarili? Ang mga taong iniisip ang kanilang hantungan ngunit sinisira ito ay ang mga taong pinakamaliit ang kakayahang mailigtas. Kahit na mayamot at magalit ang gayong tao, sino ang magkakaroon ng simpatya sa ganoong klaseng tao? Sa kabuuan, ninanais Ko pa rin na magkaroon kayo ng hantungang kapwa nararapat at mabuti, at, higit pa rito, umaasa Akong walang sinuman sa inyo ang mahuhulog sa kapahamakan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Hantungan

674. Ang huling gawain Ko ay hindi lamang alang-alang sa pagpaparusa sa tao, kundi alang-alang din sa pag-aayos ng patutunguhan ng tao. Bukod dito, ito ay upang kilalanin ng lahat ng mga tao ang mga gawa at mga kilos Ko. Nais Kong makita ng bawat isang tao na tama ang lahat ng nagawa Ko na, at na ang lahat ng nagawa Ko na ay pagpapahayag ng disposisyon Ko. Hindi kagagawan ng tao, lalong hindi ng kalikasan, ang nagluwal sa sangkatauhan, kundi Ako, na nag-aaruga sa lahat ng nabubuhay na nilalang sa sangnilikha. Kung wala ang pag-iral Ko, mapapahamak lamang ang sangkatauhan at pagdurusahan ang hagupit ng kapahamakan. Walang tao ang kailanman ay makikitang muli ang napakarikit na araw at buwan, o ang luntiang mundo; makakatagpo lamang ng sangkatauhan ang napakalamig na gabi at ang walang tinag na lambak ng anino ng kamatayan. Ako lamang ang kaligtasan ng sangkatauhan. Ako lamang ang pag-asa ng sangkatauhan at, higit pa rito, Ako ang Siya kung saan nakasalalay ang pag-iral ng lahat ng sangkatauhan. Kung wala Ako, agad na hihinto ang sangkatauhan. Kung wala Ako, magdurusa ng kapahamakan at yuyurakan ng lahat ng uri ng mga multo ang sangkatauhan, bagaman walang nagbibigay ng pansin sa Akin. Nakagawa na Ako ng gawaing walang ibang sinumang makagagawa, at umaasa lamang na mababayaran Ako ng tao ng ilang mabubuting gawa. Bagaman iilan lamang ang nagagawang makabayad sa Akin, tatapusin Ko pa rin ang paglalakbay Ko sa mundo ng tao at sisimulan ang susunod na hakbang ng naglaladlad na gawain Ko, sapagkat ang lahat ng nagmamadaling paroo’t parito Ko sa gitna ng tao nitong maraming taon ay naging mabunga, at napakanasisiyahan Ako. Ang pinahahalagahan Ko ay hindi ang bilang ng mga tao, kundi ang mabubuti nilang gawa. Gayunman, umaasa Akong naghahanda kayo ng sapat na mabubuting gawa para sa patutunguhan ninyo. Kung gayon ay malulugod Ako; kung hindi, wala sa inyong makatatakas sa sakunang sasapitin ninyo. Magmumula sa Akin ang sakuna at mangyari pa ay isinasaayos Ko. Kung hindi kayo lilitaw bilang mabuti sa paningin Ko, hindi ninyo matatakasang pagdusahan ang sakuna. Sa gitna ng kapighatian, ang mga kilos at mga gawa ninyo ay hindi itinuring na lubos na naaangkop, dahil hungkag ang pananampalataya at pagmamahal ninyo, at ipinakita lamang ninyo ang mga sarili ninyo na mahiyain o matigas. Tungkol dito, gagawa lamang Ako ng paghatol ng mabuti o masama. Ang pag-aalala Ko ay patuloy na ang paraan kung paanong ang bawat isa sa inyo ay kumikilos at nagpapahayag ng sarili niya, na siyang batayan kung saan tutukuyin Ko ang wakas ninyo. Gayunman, dapat Ko itong gawing malinaw: Tungo sa yaong mga hindi nagpakita sa Akin ni katiting na katapatan sa mga panahon ng kapighatian, hindi na Ako magiging mahabagin, sapagkat natatakdaan ang abot ng habag Ko. Higit pa rito, wala Akong gugustuhin sa sinumang minsan na Akong ipinagkanulo, mas lalong hindi Ko gustong nakikipag-ugnayan sa yaong mga nagkakanulo sa mga kapakanan ng mga kaibigan nila. Ito ang disposisyon Ko, hindi alintana kung sino man ang taong iyan. Dapat Ko itong sabihin sa inyo: Sinumang babasag sa puso Ko ay hindi makatatanggap ng habag mula sa Akin sa ikalawang pagkakataon, at ang sinumang naging matapat sa Akin ay magpakailanmang mananatili sa puso Ko.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Maghanda ng Sapat na Mabubuting Gawa para sa Iyong Hantungan

Mga Talababa

a. Isang piraso ng tuyong kahoy: isang kawikaang Tsino, ibig sabihin “walang pag-asa.”

b. Wala sa orihinal na teksto ang pariralang “Sa ganitong paraan.”

Sinundan: B. Mga Pangaral at Pag-aliw ng Diyos sa Tao

Sumunod: XIV. Mga Salita tungkol sa mga Pamantayan ng Diyos sa Pagpapasiya sa Kahihinatnan ng Tao at sa Pagwawakas ng Bawat Uri ng Tao

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito