A. Tungkol sa Awtoridad ng Diyos

529. Sa kalakhan ng sansinukob at ng kalangitan, di-mabilang na mga nilikha ang naninirahan at nagpaparami, sumusunod sa batas ng siklo ng buhay, at sumusunod sa isang tuntuning hindi nagbabago. Yaong mga namamatay ay tinatangay ang mga kuwento ng mga buhay, at yaong mga buhay ay inuulit ang parehong kalunus-lunos na kasaysayan ng mga pumanaw na. Kaya nga, hindi maiwasan ng sangkatauhan na tanungin ang sarili: Bakit tayo nabubuhay? At bakit kailangan nating mamatay? Sino ang nag-uutos sa mundong ito? At sino ang lumikha sa sangkatauhang ito? Tunay bang nilikha ng Inang Kalikasan ang sangkatauhan? Tunay bang nasa kontrol ng sangkatauhan ang kanyang sariling kapalaran? … Ito ang mga bagay na walang tigil na itinatanong ng sangkatauhan sa loob ng libu-libong taon. Sa kasamaang-palad, habang mas nasasaisip ng tao ang mga katanungang ito, mas nagkakaroon siya ng pagkauhaw sa siyensya. Handog ng siyensya ang panandaliang kaluguran at pansamantalang kasiyahan ng laman, ngunit hindi sapat upang palayain ang tao mula sa pag-iisa, kalungkutan, at halos di-maitagong takot at kawalan ng magagawa sa kaibuturan ng kanyang kaluluwa. Ginagamit lamang ng sangkatauhan ang kaalaman sa siyensya na nakikita ng kanyang mata at nauunawaan ng kanyang utak upang gawing manhid ang kanyang puso. Gayunma’y hindi sapat ang gayong kaalaman sa siyensya upang pigilan ang sangkatauhan sa pagsisiyasat sa mga hiwaga. Hindi lamang alam ng sangkatauhan kung sino ang Pinakamakapangyarihan sa sansinukob at sa lahat ng bagay, lalo na ang simula at hinaharap ng sangkatauhan. Ang tao ay nabubuhay lamang, nang sapilitan, sa gitna ng batas na ito. Walang makakatakas dito at walang makakapagpabago rito, sapagkat sa lahat ng bagay at sa kalangitan ay Iisa lamang ang nagmumula sa walang hanggan hanggang walang hanggan na nagtataglay ng kataas-taasang kapangyarihan sa lahat. Siya Yaong hindi pa nakikita ng tao kailanman, Yaong hindi pa nakikilala ng sangkatauhan kailanman, na kung kaninong pag-iral ay hindi pa napaniwalaan ng sangkatauhan kailanman—gayunma’y Siya ang nagbuga ng hininga sa mga ninuno ng sangkatauhan at nagbigay ng buhay sa sangkatauhan. Siya Yaong nagtutustos at nangangalaga sa sangkatauhan, na nagpapahintulot na siya ay umiral; at Siya Yaong nakagabay sa sangkatauhan hanggang ngayon. Bukod pa rito, Siya at Siya lamang ang inaasahan ng sangkatauhan para sa kaligtasan. Siya ang nagtataglay ng kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay at namumuno sa lahat ng nabubuhay sa sansinukob. Siya ang nag-uutos sa apat na panahon, at Siya ang tumatawag sa hangin, nagyelong hamog, niyebe, at ulan. Siya ang nagdadala ng sikat ng araw sa sangkatauhan at nagpapasimula sa gabi. Siya ang naglatag ng kalangitan at lupa, na nagbibigay sa tao ng mga kabundukan, lawa, at ilog at lahat ng nabubuhay roon. Ang Kanyang mga gawa ay nasa lahat ng dako, ang Kanyang kapangyarihan ay nasa lahat ng dako, ang Kanyang karunungan ay nasa lahat ng dako, at ang Kanyang awtoridad ay nasa lahat ng dako. Bawat isa sa mga batas at tuntunin na ito ay sagisag ng Kanyang mga gawa, at bawat isa ay naghahayag ng Kanyang karunungan at awtoridad. Sino ang hindi magpapasaklaw ng kanilang sarili sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan? At sino ang hindi magpapasakop ng kanilang sarili sa Kanyang mga plano? Lahat ng bagay ay umiiral sa ilalim ng Kanyang titig, at bukod pa rito, lahat ng bagay ay nabubuhay sa ilalim ng Kanyang kataas-taasang kapangyarihan. Ang Kanyang mga gawa at Kanyang kapangyarihan ay nag-iiwan sa sangkatauhan na walang pagpipilian kundi kilalanin ang katunayan na Siya ay totoong umiiral at nagtataglay ng kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Wala maliban sa Kanya ang makapag-uutos sa sansinukob, lalong walang makapaglalaan nang walang katapusan para sa sangkatauhang ito. Nagagawa mo mang kilalanin ang mga gawa ng Diyos, at naniniwala ka man sa pag-iral ng Diyos, walang duda na ang Diyos ang nagpapasiya sa iyong kapalaran, at walang duda na palaging tataglayin ng Diyos ang kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Ang Kanyang pag-iral at awtoridad ay hindi nakasalalay sa kung sila ay kinikilala at naiintindihan ng tao o hindi. Siya lamang ang nakakaalam ng nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap ng tao, at Siya lamang ang maaaring magpasiya sa kapalaran ng sangkatauhan. Kaya mo mang tanggapin ang katunayan na ito, hindi na magtatagal bago masaksihan ng sangkatauhan ang lahat ng ito sa kanyang sariling mga mata, at ito ang katunayan na malapit nang isagawa ng Diyos. Ang sangkatauhan ay nabubuhay at namamatay sa ilalim ng mga mata ng Diyos. Ang tao ay nabubuhay para sa pamamahala ng Diyos, at kapag pumikit ang kanyang mga mata sa huling pagkakataon, para din sa pamamahalang ito kaya pumipikit ang mga ito. Ang tao ay dumarating at umaalis nang paulit-ulit, paroo’t parito. Walang eksepsyon, lahat ng ito ay bahagi ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at ng Kanyang plano. Ang pamamahala ng Diyos ay hindi kailanman tumigil; ito ay patuloy na sumusulong. Papangyayarihin Niyang malaman ng sangkatauhan ang Kanyang pag-iral, pagtiwalaan ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan, mamasdan ang Kanyang mga gawa, at magbalik sa Kanyang kaharian. Ito ang Kanyang plano, at ang gawain na Kanyang pinamamahalaan sa loob ng libu-libong taon.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 3: Maaari Lamang Maligtas ang Tao sa Gitna ng Pamamahala ng Diyos

530. Mula nang sinimulan Niya ang paglikha sa lahat ng bagay, nagsimulang mahayag at mabunyag ang kapangyarihan ng Diyos, dahil gumamit ang Diyos ng mga salita para likhain ang lahat ng bagay. Kahit sa ano pa mang paraan Niya nilikha ang mga iyon, ano man ang dahilan kung bakit Niya nilikha ang mga iyon, ang lahat ng bagay ay nalikha at nanindigan at umiral dahil sa mga salita ng Diyos; ito ang natatanging awtoridad ng Lumikha. Noong panahon bago lumitaw ang sangkatauhan sa mundo, ginamit ng Lumikha ang Kanyang kapangyarihan at awtoridad para likhain ang lahat ng bagay para sa sangkatauhan, at ginamit ang Kanyang mga natatanging pamamaraan para ihanda ang angkop na kapaligiran para sa pamumuhay ng sangkatauhan. Lahat ng Kanyang ginawa ay paghahanda para sa sangkatauhan, na hindi maglalaon ay tatanggap ng Kanyang hininga. Ibig sabihin, noong panahon bago nilikha ang sangkatauhan, naipakita ang awtoridad ng Diyos sa lahat ng nilalang na iba sa sangkatauhan, sa mga bagay na kasing laki ng kalangitan, ng mga tanglaw, ng mga karagatan, at ng kalupaan, at doon sa maliliit na hayop at mga ibon, gayon din sa lahat ng uri ng mga insekto at mikroorganismo, kasama na ang mga iba’t ibang mikrobyo na hindi nakikita ng mata. Binigyan ng buhay ang bawat isa sa pamamagitan ng mga salita ng Lumikha, lumaganap ang bawat isa dahil sa mga salita ng Lumikha, at namuhay ang bawat isa sa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha dahil sa Kanyang mga salita. Kahit na hindi nila natanggap ang hininga ng Lumikha, ipinakita pa rin nila ang buhay at kasiglahan na ipinagkaloob sa kanila ng Lumikha sa pamamagitan ng kanilang mga iba’t ibang anyo at mga kayarian; kahit na hindi sila nakatanggap ng abilidad na makapagsalita na ibinigay sa sangkatauhan ng Lumikha, nakatanggap ang bawat isa ng paraan ng paghahayag ng kanilang buhay na ipinagkaloob sa kanila ng Lumikha, at naiiba sa wika ng tao. Ang awtoridad ng Lumikha ay hindi lamang nagbibigay ng kasiglahan ng buhay sa mga animo’y di-gumagalaw na mga materyal na bagay, para hindi sila kailanman maglaho, kundi nagbibigay rin ng likas na kaisipan sa bawat nabubuhay na manganak at magparami, para hindi sila maglalaho kailanman, at para, sa mga susunod na henerasyon, ipapasa nila ang ipinagkaloob sa kanila ng Lumikha na mga batas at mga prinsipyo ng pananatiling buhay. Ang paraan kung paano ginagamit ng Lumikha ang Kanyang awtoridad ay hindi mahigpit na nakakapit sa malawak o malalim na pananaw, at hindi limitado sa anumang anyo; kaya Niyang pamahalaan ang pagtakbo ng sansinukob at hawakan ang kataas-taasang kapangyarihang sa pagkabuhay at pagkamatay ng lahat ng bagay, at, higit pa rito, kaya Niyang patakbuhin ang lahat ng bagay para sila’y magsilbi sa Kanya; kaya Niyang pamahalaan ang lahat ng ginagawa ng mga kabundukan, ilog, at lawa, at pagharian ang lahat ng bagay na nakapaloob sa kanila, at, higit pa rito, ay kaya Niyang ibigay kung ano ang kailangan ng lahat ng bagay. Ito ang pagpapamalas ng natatanging awtoridad ng Lumikha sa lahat ng bagay bukod sa sangkatauhan. Ang naturang pagpapamalas ay hindi lamang panghabambuhay; ito ay hindi kailanman hihinto, o magpapahinga, at hindi ito mababago o masisira ng sinumang tao o bagay, ni madaragdagan o mababawasan ng sinumang tao o bagay—dahil walang makakapalit sa pagkakakilanlan ng Lumikha, at, samakatuwid, hindi mapapalitan ng anumang nilikha ang awtoridad ng Lumikha; hindi ito naaabot ng anumang di-nilikha. Halimbawa, ang mga mensahero at mga anghel ng Diyos. Hindi nila taglay ang kapangyarihan ng Diyos, mas lalong hindi nila taglay ang awtoridad ng Lumikha, at ang dahilan kung bakit hindi nila taglay ang kapangyarihan at awtoridad ng Diyos ay dahil hindi nila taglay ang diwa ng Lumikha. Ang mga di-nilikha, tulad ng mga mensahero at mga anghel ng Diyos, kahit na magagawa nila ang ilang bagay sa ngalan ng Diyos, hindi nila maaaring katawanin ang Diyos. Kahit na may ilang kapangyarihan sila na wala ang tao, hindi nila taglay ang awtoridad ng Diyos, hindi nila taglay ang awtoridad ng Diyos na likhain ang lahat ng bagay, na utusan ang lahat ng bagay, at hawakan ang kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Kaya hindi mapapalitan ng anumang di-nilikha ang pagiging natatangi ng Diyos, at, tulad nito, hindi mapapalitan ng anumang di-nilikha ang awtoridad at kapangyarihan ng Diyos. Sa Biblia, may nabasa ka bang sinumang mensahero ng Diyos na lumikha ng lahat ng bagay? Bakit hindi inutusan ng Diyos ang sinuman sa Kanyang mga mensahero o mga anghel na likhain ang lahat ng bagay? Ito ay dahil hindi nila taglay ang awtoridad ng Diyos, at kaya wala silang abilidad na gamitin ang awtoridad ng Diyos. Tulad ng lahat ng nilalang, nasa ilalim silang lahat ng kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, at nasa ilalim ng awtoridad ng Lumikha, at kaya sa parehong paraan, ang Lumikha rin ang kanilang Diyos at Pinakamataas na Pinuno. Sa bawat isa sa kanila—kung sila man ay marangal o hamak, may malaki o maliit na kapangyarihan—wala ni isa ang makakahigit sa awtoridad ng Lumikha, at kaya sa kanilang lahat, wala ni isa ang makakapalit sa pagkakakilanlan ng Lumikha. Kailanman ay hindi sila matatawag na Diyos, at kailanman ay hindi nila makakayang maging ang Lumikha. Ang mga ito ay di-nababagong mga katotohanan at realidad!

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi I

531. Pinanood ng Diyos na mabuo at di-matinag ang lahat ng bagay na Kanyang nilikha dahil sa Kanyang mga salita, at unti-unting nagsimulang magbago. Sa sandaling ito, nasiyahan ba ang Diyos sa iba’t ibang mga bagay na Kanyang nagawa sa pamamagitan ng Kanyang mga salita, at sa iba’t ibang gawain na Kanyang naisakatuparan? Ang sagot ay “nakita ng Diyos na mabuti” ito. Ano ang nakikita ninyo rito? Ano ang tinutukoy ng “nakita ng Diyos na mabuti” ito? Ano ang sinisimbolo nito? Ibig sabihin nito ay may kapangyarihan at karunungan ang Diyos na tuparin ang Kanyang binalak at iniatas, para maisakatuparan ang mga mithiing Kanyang inilatag na makamit. Nang nakumpleto na ng Diyos ang bawat gawain, nakaramdam ba Siya ng pagsisisi? Ang sagot pa rin ay “nakita ng Diyos na mabuti” ito. Sa madaling salita, hindi lamang sa hindi Siya nagsisi, ngunit sa halip ay nasiyahan Siya. Ano ba ang ibig sabihin ng wala Siyang pagsisisi? Ang ibig sabihin nito ay perpekto ang plano ng Diyos, na perpekto ang Kanyang kapangyarihan at karunungan, at sa pamamagitan lamang ng Kanyang awtoridad na ang naturang pagkaperpekto ay matutupad. Kapag ang tao ay gumaganap ng isang gawain, makikita ba niya, tulad ng Diyos, na ito ay maganda? Ang lahat ng bagay ba na magagawa ng tao ay naaabot ang pagkaperpekto? Makukumpleto ba ng tao ang isang bagay nang minsanan at hanggang kawalang-hanggan? Tulad ng sinasabi ng tao, “walang perpekto, ang mayroon lamang ay pagpapabuti,” walang bagay na ginagawa ng tao na makakaabot sa pagkaperpekto. Nang nakita ng Diyos na ang lahat na Kanyang nagawa na at nakamtan ay mabuti, lahat ng ginawa ng Diyos ay itinalaga ng Kanyang mga salita, ibig sabihin, noong “nakita ng Diyos na mabuti” ito, ang lahat ng Kanyang nagawa ay naging permanente na ang anyo, pinagsama-sama ayon sa uri, at binigyan ng permanenteng posisyon, layunin, at tungkulin, nang minsanan hanggang sa kawalang-hanggan. Bukod dito, ang kanilang papel sa gitna ng lahat ng bagay, at ang paglalakbay na dapat nilang suungin sa panahon ng pamamahala ng Diyos sa lahat ng bagay, ay naitalaga na ng Diyos, at hindi na mababago. Ito ang batas ng kalangitan na ibinigay ng Lumikha sa lahat ng bagay.

“Nakita ng Diyos na mabuti” ito, ang simple at di-gaanong pinahahalagahang mga salitang ito, na kadalasang binabalewala, ay ang mga salita ng batas ng kalangitan at alituntunin ng kalangitang ibinigay sa lahat ng nilalang ng Diyos. Ang mga iyon ay isa pang pagsasakatawan ng awtoridad ng Lumikha, isang bagay na mas praktikal, at mas malalim. Sa pamamagitan ng Kanyang mga salita, hindi lamang natamo ng Lumikha kung ano ang itinakda Niya na matamo, at nakamtan ang lahat ng itinakda Niyang makamtan, kundi mapipigilan din ng Kanyang mga kamay ang lahat ng Kanyang nilikha, at mapapagharian ang lahat ng bagay na Kanyang nagawa sa ilalim ng Kanyang awtoridad, at, dagdag pa rito, ang lahat ay sistematiko at regular. Ang lahat ng bagay rin ay lumaganap, umiral, at namatay sa pamamagitan ng Kanyang salita at, bukod diyan, umiral ang mga ito sa batas na Kanyang itinalaga sa pamamagitan ng Kanyang awtoridad, at walang hindi saklaw nito! Agad na nagsimula ang batas na ito sa mismong sandali na “nakita ng Diyos na mabuti” ito, at ito’y iiral, magpapatuloy, at gagana para sa kapakanan ng plano ng pamamahala ng Diyos hanggang sa araw na ipawawalang-bisa ito ng Lumikha! Ang natatanging awtoridad ng Lumikha ay hindi lamang naipapakita sa Kanyang kakayahang likhain ang lahat ng bagay at utusan ang lahat ng bagay na mabuo, kundi sa kakayahan din Niya na pamahalaan at hawakan ang kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, at ipagkaloob ang lakas at kasiglahan sa lahat ng bagay, at, bukod pa rito, sa Kanyang kakayahang magsanhi, nang minsanan at magpasawalang-hanggan, sa lahat ng bagay na gagawin Niya sa Kanyang plano na lumitaw at umiral sa mundong ginawa Niya na may perpektong hugis, at perpektong kayarian ng buhay, at isang perpektong gagampanan. Gayundin, naipakita ito sa paraan na ang mga iniisip ng Lumikha ay hindi sumailalim sa anumang mga limitasyon, at di-limitado ng oras, espasyo, o heograpiya. Tulad ng Kanyang awtoridad, ang natatanging pagkakakilanlan ng Lumikha ay mananatiling di-nagbabago mula sa kawalang-hanggan hanggang sa kawalang-hanggan. Ang Kanyang awtoridad ay laging magiging pagpapakita at sagisag ng Kanyang natatanging pagkakakilanlan, at ang Kanyang awtoridad ay iiral magpakailanman kaagapay ng Kanyang pagkakakilanlan!

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi I

532. Nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay, kaya nga ginagawa Niyang sumailalim ang lahat ng nilikha sa Kanyang kapamahalaan at magpasakop sa Kanyang kapamahalaan; uutusan Niya ang lahat ng bagay, para lahat ng bagay ay nasa Kanyang mga kamay. Lahat ng nilikha ng Diyos, pati na ang mga hayop, halaman, sangkatauhan, kabundukan at mga ilog, at mga lawa—lahat ay kailangang sumailalim sa Kanyang kapamahalaan. Lahat ng bagay sa kalangitan at sa lupa ay kailangang sumailalim sa Kanyang kapamahalaan. Hindi sila maaaring magkaroon ng anumang pagpipilian at kailangang magpasakop ang lahat sa Kanyang mga pagsasaayos. Ito ay iniutos ng Diyos, at ito ang awtoridad ng Diyos. Inuutusan ng Diyos ang lahat, at inaayos at inihahanay ang lahat ng bagay, na bawat isa ay nakabukod ayon sa uri, at pinaglaanan ng sarili nilang posisyon, ayon sa kalooban ng Diyos. Gaano man iyon kalaki, walang anumang bagay ang makakahigit sa Diyos, lahat ng bagay ay nagsisilbi sa sangkatauhang nilikha ng Diyos, at walang anumang bagay ang nangangahas na sumuway sa Diyos o humingi ng anuman sa Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Tagumpay o Kabiguan ay Depende sa Landas na Tinatahak ng Tao

533. Bago nilikha ang sangkatauhang ito, umiiral na ang kosmos—ang lahat ng planeta at ang lahat ng bituin sa kalangitan. Sa malawakang antas, palagiang umiikot ang mga bagay na ito sa kalangitan, sa ilalim ng kontrol ng Diyos, sa kabuuan ng pag-iral ng mga ito, gaano man karami ang mga nagdaang taon. Kung anong planeta ang pupunta sa kung saan sa kung anong tiyak na oras; kung anong planeta ang gagawa ng kung anong gawain, at kailan; kung anong planeta ang iikot sa kung anong landas ng planeta, at kung kailan ito maglalaho o mapapalitan—lahat ng bagay na ito ay nagpapatuloy nang walang bahagya mang pagkakamali. Ang mga posisyon ng mga planeta at ang mga agwat sa pagitan ng mga ito ay sumusunod sa mahigpit na mga disenyo, na mailalarawang lahat ng tumpak na mga datos; ang mga landas na kanilang tinatahak, ang bilis at mga disenyo ng kanilang mga orbit, ang mga panahon na ang mga ito ay nasa iba’t ibang posisyon—ang lahat ng ito ay makakayang bilangin at ilarawan ng mga natatanging batas. Sa loob ng napakahabang panahon, sumunod ang mga planetang ito sa mga batas na ito, nang walang bahagya mang paglihis. Walang kapangyarihan ang may kakayahang baguhin o gambalain ang kanilang mga landas o ang mga disenyong kanilang sinusundan. Sapagkat naitadhana na ng awtoridad ng Lumikha ang natatanging mga batas na namamahala sa galaw ng mga ito at ang tumpak na mga datos na naglalarawan sa mga ito, kusang sinusunod ng mga ito ang mga batas na ito, sa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan at kontrol ng Lumikha. Sa malawakang antas, hindi mahirap para sa tao ang matuklasan ang ilang disenyo, ilang datos, at ilang naiiba at di-maipaliwanag na mga batas o di-karaniwang kaganapan. Bagama’t hindi tinatanggap ng sangkatauhan na mayroong Diyos, o ang katunayan na ang Lumikha ang gumawa at may kapamahalaan sa lahat ng bagay, at bukod pa rito ay hindi kinikilala ang pag-iral ng awtoridad ng Lumikha, patuloy na higit pang natutuklasan ng mga siyentipiko, astronomo, at pisiko na ang pag-iral ng lahat ng bagay sa sansinukob, at ang mga prinsipyo at mga disenyo na nagtatakda ng kanilang mga pagkilos, ay pinamamahalaan at kinokontrol na lahat ng isang malawak at di-nakikitang madilim na enerhiya. Ang katotohanang ito ang pumipilit sa tao na harapin at kilalanin na may Isang Makapangyarihan sa gitna ng mga disenyong ito ng pagkilos, na nagsasaayos sa lahat ng bagay. Hindi pangkaraniwan ang Kanyang kapangyarihan, at bagama’t walang sinuman ang nakakakita sa Kanyang tunay na mukha, Siya ang namamahala at kumukontrol sa lahat ng bagay sa bawat saglit. Walang tao o lakas ang may kakayahang lumampas sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan. Dahil nahaharap sa ganitong katotohanan, dapat kilalanin ng tao na ang mga batas na namamahala sa pag-iral ng lahat ng bagay ay hindi makakayang kontrolin ng mga tao, hindi makakayang baguhin ninuman; dapat din niyang tanggapin na hindi makakayang ganap na unawain ng mga nilikhang tao ang mga batas na ito; at ang mga ito ay hindi likas na nangyayari, bagkus ay ipinag-uutos ng isang Kataas-taasang Kapangyarihan. Ang lahat ng ito ay pagpapahayag ng awtoridad ng Diyos na maaaring makita ng sangkatauhan sa malawakang antas.

Sa pangmaliitang antas, lahat ng bundok, ilog, lawa, dagat, at kalupaan na maaaring makita ng tao sa lupa, lahat ng nararanasan niyang panahon, lahat ng bagay na naninirahan sa mundo, kabilang na ang mga halaman, hayop, mikroorganismo, at mga tao, ay napaiilalim sa kataas-taasang kapangyarihan at kontrol ng Diyos. Sa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan at kontrol ng Diyos, lahat ng bagay ay nalilikha o naglalaho ayon sa Kanyang mga saloobin; lumilitaw ang mga batas na namamahala sa pag-iral ng mga ito, at lumalago at dumarami ang mga ito sa pagtalima sa mga batas na ito. Walang tao o bagay na hindi saklaw ng mga batas na ito. Bakit ganito? Ang tanging sagot ay ito: Ito ay dahil sa awtoridad ng Diyos. O, sa ibang salita, ito ay dahil sa mga saloobin ng Diyos at mga salita ng Diyos; dahil sa mga pansariling kilos ng Diyos Mismo. Nangangahulugan ito na ang awtoridad ng Diyos at isip ng Diyos ang pinagmumulan ng mga batas na ito na nag-iiba at nagbabago sang-ayon sa Kanyang mga saloobin, at ang mga pag-iiba at mga pagbabagong ito ay nagaganap o lumilipas na lahat alang-alang sa Kanyang plano.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III

534. Kapag ang mga salita ng Diyos ay binigkas, ang awtoridad ng Diyos ang siyang nagpapatakbo sa gawaing ito, at ang katotohanang ipinangako ng bibig ng Diyos ay unti-unting nagsisimula na maging realidad. Bunga nito, nagsisimulang lumitaw ang pagbabago sa lahat ng bagay, tulad ng kung paano nagiging berde ang damo, namumukadkad ang mga bulaklak, umuusbong ang mga suloy sa mga puno, nagsisimulang mag-awitan ang mga ibon, bumabalik ang mga gansa, at napupuno ng mga tao ang mga parang sa pagdating ng tagsibol…. Sa pagdating ng tagsibol ang lahat ng bagay ay napapanariwa, at ito ang mahimalang gawain ng Lumikha. Kapag tinutupad ng Diyos ang Kanyang mga pangako, nanunumbalik at nagbabago ang lahat ng bagay sa langit at sa lupa ayon sa mga iniisip ng Diyos—walang hindi kasali. Kapag binibigkas ang isang panata o pangako mula sa bibig ng Diyos, ang lahat ng bagay ay kumikilos para sa katuparan nito, at minamaniobra alang-alang sa katuparan nito; ang lahat ng nilalang ay binubuo at inaayos sa ilalim ng pamamahala ng Lumikha, gumaganap ng kani-kanilang mga papel, at ginagawa ang kani-kanilang mga tungkulin. Ito ang pagpapamalas ng awtoridad ng Lumikha. Ano ang nakikita mo rito? Paano mo nalalaman ang awtoridad ng Diyos? May hangganan ba ang awtoridad ng Diyos? May limitasyon ba ang oras nito? Masasabi ba kung ano ang taas o haba nito? Masasabi ba kung ano ang sukat o lakas nito? Masusukat ba ito batay sa mga sukat ng tao? Hindi patay-sindi ang awtoridad ng Diyos, hindi ito pabalik-balik, at walang sinuman ang makakasukat kung gaano kadakila ang Kanyang awtoridad. Kahit gaano pa katagal ang panahon na lumilipas, kapag pinagpapala ng Diyos ang isang tao, magpapatuloy ang pagpapalang ito, at ang pagpapatuloy nito ay nagpapatotoo sa di-masusukat na awtoridad ng Diyos, at magpapahintulot sa sangkatauhan na paulit-ulit na mamasdan ang muling pagpapakita ng hindi-namamatay na puwersa ng buhay ng Lumikha. Ang bawat pagpapakita ng Kanyang awtoridad ay ang perpektong paglalahad ng mga salita mula sa Kanyang bibig na ipinapakita sa lahat ng bagay, at sa sangkatauhan. Bukod pa rito, ang lahat ng bagay na tinupad ng Kanyang awtoridad ay walang-kapantay ang kagandahan, at lubusang walang-kapintasan. Masasabing ang Kanyang mga iniisip, ang Kanyang mga salita, ang Kanyang awtoridad, at ang lahat ng gawaing Kanyang tinutupad ay larawang walang-katulad ang kagandahan, at para sa mga nilalang, ang wika ng sangkatauhan ay walang kakayahang sabihin nang malinaw ang kabuluhan at halaga nito. Kapag nangangako ang Diyos sa isang tao, ang lahat ng ito ay kasing pamilyar sa Diyos gaya ng likod ng Kanyang kamay, kung ito man ay kung saan sila nakatira, o kung ano ang kanilang ginagawa, ang kanilang nakaraan o matapos nilang matanggap ang pangako, o kung gaano man katindi ang mga kaguluhan sa paligid ng kanilang tinitirahan. Kahit pa gaano katagal na panahon ang lumipas matapos na mabigkas ang mga salita ng Diyos, para sa Kanya, parang kabibigkas lamang ng mga ito. Ang ibig sabihin nito ay may kapangyarihan ang Diyos, at may gayong awtoridad, na kaya Niyang subaybayan, kontrolin, at tuparin ang bawat pangako na Kanyang ginagawa sa sangkatauhan, at kahit ano pa man ang pangakong iyon, kahit pa gaano katagal bago ganap na matupad ang mga ito, at, higit pa rito, kahit gaano man kalawak ang nasasaklaw ng katuparan niyon—halimbawa, oras, heograpiya, lahi, at iba pa—matutupad at maisasakatuparan ang pangakong ito, at, higit pa rito, hindi mangangailangan na kumilos ni katiting ang Diyos para sa katuparan at kaganapan nito. At ano ang pinatutunayan nito? Pinatutunayan nito na ang lawak ng awtoridad at kapangyarihan ng Diyos ay sapat upang kontrolin ang buong sansinukob, at ang buong sangkatauhan.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi I

535. Sa pag-unlad ngayon ng sangkatauhan, masasabing yumayabong ang siyensiya ng sangkatauhan at kung ilalarawan ang mga nagawa ng mga siyentipikong pananaliksik ng tao ay kahanga-hanga ang mga ito. Masasabi rin na ang abilidad ng tao ay humuhusay nang humuhusay, ngunit may isang pambihirang siyentipikong pagtuklas na hindi pa kayang gawin ng sangkatauhan: Nakagawa na ang sangkatauhan ng mga eroplano, mga kargahan ng eroplano, at ng bombang atomika, nakarating na sa kalawakan ang sangkatauhan, nakalakad sa buwan, nakaimbento ng Internet, at namuhay nang may “hi-tech” na estilo ng pamumuhay, ngunit walang kakayahan ang sangkatauhan na lumikha ng isang buhay at humihingang bagay. Ang mga likas na pag-uugali ng bawat buhay na nilalang at ang mga batas na ipinamumuhay ng mga ito, at ang siklo ng buhay at kamatayan ng bawat uri ng buhay na bagay—ang lahat ng ito ay lampas sa kayang gawin ng siyensiya ng sangkatauhan at hindi kayang kontrolin nito. Sa puntong ito, masasabi na kahit gaano kataas ang naaabot ng siyensiya ng tao, hindi ito naihahambing sa alinman sa mga iniisip ng Lumikha, at walang kakayahang makilala ang mahimalang paglikha ng Lumikha at ang kapangyarihan ng Kanyang awtoridad. Napakarami ng mga karagatan sa ibabaw ng lupa, ngunit hindi kailanman nilabag ng mga ito ang kanilang mga hangganan at basta-basta na lamang umagos sa lupa, at ito’y dahil itinakda ng Diyos ang hangganan ng bawat isa sa kanila; nanatili sila kung saan man sila inutusang manatili, at hindi malayang makagagalaw ang mga ito nang walang pahintulot ng Diyos. Kapag walang pahintulot ang Diyos, hindi sila maaaring manghimasok sa bawat isa, at makagagalaw lamang kapag sinabi ito ng Diyos, at tinutukoy ng awtoridad ng Diyos kung saan sila pumupunta at nananatili.

Para gawin itong malinaw, “ang awtoridad ng Diyos” ay nangangahulugang bahala ang Diyos. May karapatan ang Diyos na magpasya kung paano gawin ang isang bagay, at ginagawa ito sa kung papaanong paraan Niya naisin. Nakasalalay sa Diyos ang batas ng lahat ng bagay, at hindi nakabatay sa tao; ni hindi ito mababago ng tao. Hindi ito matitinag ng kalooban ng tao, bagkus ay binabago ito ng mga iniisip ng Diyos, ng karunungan ng Diyos, at ng mga utos ng Diyos; ito ay isang katotohanan na hindi kayang itanggi ng sinumang tao. Ang mga kalangitan at lupa at lahat ng bagay, ang sansinukob, ang mabituing kalawakan, ang apat na panahon ng taon, ang nakikita at di-nakikita ng tao—ang lahat ng ito ay umiiral, gumagana, at nagbabago nang wala ni katiting na pagkakamali, sa ilalim ng awtoridad ng Diyos, ayon sa mga atas ng Diyos, ayon sa mga kautusan ng Diyos, at ayon sa mga batas ng simula ng paglikha. Wala kahit isang tao o bagay ang makakapagbago ng kanilang mga batas, o makakapagbago ng likas na landas ng kanilang paggana; sila ay naging kung ano sila dahil sa awtoridad ng Diyos, at nawawala dahil sa awtoridad ng Diyos. Ito ang mismong awtoridad ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi I

536. Ang mismong awtoridad ay maipapaliwanag bilang kapangyarihan ng Diyos. Una, masasabi nang may katiyakan na positibong pareho ang awtoridad at kapangyarihan. Walang koneksiyon ang mga ito sa anumang bagay na negatibo, at hindi nauugnay ang mga ito sa anumang nilikha o di-nilikha. Kayang lumikha ng kapangyarihan ng Diyos ng mga bagay sa anumang anyo na may buhay at kasiglahan, at pinagpapasyahan ito ng buhay ng Diyos. Ang Diyos ay buhay, kaya Siya ang pinagmumulan ng lahat ng nabubuhay. Dagdag pa rito, mapapasunod ng awtoridad ng Diyos ang lahat ng nabubuhay na nilalang sa bawat salita ng Diyos, ang ibig sabihin nito ay mabuo nang naaayon sa mga salita mula sa bibig ng Diyos, at mamuhay at magparami sa pamamagitan ng utos ng Diyos, matapos nito ay napaghaharian at nauutusan ng Diyos ang lahat ng bagay na nabubuhay, at hindi kailanman magkakaroon ng paglihis, magpasawalang-hanggan. Walang tao o bagay ang mayroon ng ganitong mga bagay; tanging ang Lumikha lamang ang nagtataglay at mayroon ng gayong kapangyarihan, at kaya ito ay tinatawag na awtoridad. Ito ang pagiging natatangi ng Lumikha. Dahil dito, kung ito man ay ang salitang “awtoridad” mismo o ang diwa ng awtoridad na ito, ang bawat isa ay maiuugnay lamang sa Lumikha, dahil ito ay sagisag ng natatanging pagkakakilanlan at diwa ng Lumikha, at kumakatawan ito sa pagkakakilanlan at katayuan ng Lumikha; bukod sa Lumikha, walang tao o bagay ang maiuugnay sa salitang “awtoridad.” Ito ay isang pagpapakahulugan sa natatanging awtoridad ng Lumikha.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi I

537. “Ang Aking bahaghari ay inilalagay Ko sa alapaap, at siyang magiging tanda ng tipan Ko at ng lupa.” Ito ang orihinal na mga salita na binigkas ng Lumikha sa sangkatauhan. Nang sinabi Niya ang mga salitang ito, lumitaw ang isang bahaghari sa harapan ng tao, kung saan ito ay nanatili na hanggang ngayon. Lahat ay nakakita na ng naturang bahaghari, at kapag nakikita mo ito, alam mo ba kung paano ito nagpapakita? Walang kakayahan ang siyensya na patunayan ito, o hanapin ang pinagmulan nito, o tukuyin kung nasaan ito. Iyan ay dahil ang bahaghari ay tanda ng kasunduang itinatag sa pagitan ng Lumikha at ng tao; hindi nito kailangan ang siyentipikong basehan, hindi ito ginawa ng tao, ni hindi ito kayang baguhin ng tao. Pagpapatuloy ito ng awtoridad ng Lumikha matapos Niyang bigkasin ang Kanyang mga salita. Ginamit ng Lumikha ang Kanyang sariling partikular na paraan para tumalima sa Kanyang kasunduan sa tao at sa Kanyang pangako, at kaya ang paggamit Niya sa bahaghari bilang isang tanda ng kasunduan na Kanyang naitatag na ay isang kautusan at batas ng kalangitan na magpakailanman ay mananatiling di-nagbabago, kung patungkol man sa Lumikha o sa nilikhang sangkatauhan. Dapat sabihin na ang di-nagbabagong batas na ito ay isa pang tunay na pagpapamalas ng awtoridad ng Lumikha kasunod ng paglikha Niya ng lahat ng bagay, at dapat sabihin na ang awtoridad at kapangyarihan ng Lumikha ay walang-hangganan; ang paggamit Niya ng bahaghari bilang tanda ay pagpapatuloy at karugtong ng awtoridad ng Lumikha. Isa na naman itong pagkilos na isinagawa ng Diyos gamit ang Kanyang mga salita, at tanda ng kasunduang itinatag na ng Diyos sa tao gamit ang mga salita. Sinabi Niya sa tao ang tungkol doon sa Kanyang pinagpasyahang gawin, at kung paano ito matutupad at makakamit. Sa paraang ito ang bagay ay natupad ayon sa mga salita mula sa bibig ng Diyos. Tanging Diyos lamang ang mayroong ganoong kapangyarihan, at ngayon, ilang libong taon matapos Niyang bigkasin ang mga salitang ito, makakatingin pa rin ang tao sa bahaghari na binigkas mula sa bibig ng Diyos. Dahil sa mga salitang yaon na binigkas ng Diyos, nanatiling walang pagbabago at di-nagbabago ang bagay na ito hanggang sa ngayon. Walang sinuman ang makatatanggal sa bahagharing ito, walang makapagbabago ng mga batas nito, at umiiral lamang ito para sa mga salita ng Diyos. Ito mismo ang awtoridad ng Diyos. “Kasingbuti ng Diyos ang Kanyang salita, at matutupad ang Kanyang salita, at kung ano ang natupad ay mananatili magpakailanman.” Malinaw na ipinapahayag ang mga salita ito rito, at malinaw itong tanda at katangian ng awtoridad at kapangyarihan ng Diyos. Ang gayong tanda o katangian ay hindi taglay o nakikita sa anumang mga nilikha, ni hindi ito nakikita sa anumang di-nilikha. Sa natatanging Diyos lamang ito, at tinutukoy nito ang kaibahan ng pagkakakilanlan at diwa na taglay lamang ng Lumikha mula roon sa taglay ng mga nilikha. Kasabay nito, ito rin ay tanda at katangian na hindi mahihigitan ng anumang nilikha o di-nilikha maliban sa Diyos Mismo.

Ang pagtatatag ng Diyos sa Kanyang kasunduan sa tao ay isang pagkilos na may malaking kahalagahan, isa na nilayon Niyang gamitin para ipahayag ang isang katotohanan sa tao at sabihin sa tao ang Kanyang kalooban. Para sa layuning ito gumamit Siya ng isang natatanging paraan, gamit ang isang espesyal na tanda para magtatag ng kasunduan sa tao, isang tanda na isang pangako ng kasunduan na Kanyang itinatag sa tao. Kung gayon, malaking pangyayari ba ang pagtatatag ng kasunduang ito? Gaano ba ito kalaki? Ito mismo ang napakaespesyal sa kasunduang ito: Hindi ito isang kasunduang itinatag sa pagitan ng isang tao at ng isa pa, o ng isang grupo at ng isa pa, o ng isang bansa at ng isa pa, kundi isang kasunduang itinatag sa pagitan ng Lumikha at ng buong sangkatauhan, at mananatili itong may bisa hanggang sa araw na bubuwagin ng Lumikha ang lahat ng bagay. Ang Lumikha ang tagapagpatupad ng kasunduang ito, at ang Lumikha din ang tagapagpanatili nito. Sa madaling salita, ang kabuuan ng kasunduan ng bahaghari na itinatag sa sangkatauhan ay natupad at nakamit ayon sa pag-uusap sa pagitan ng Lumikha at sangkatauhan, at nanatili pa rin ganito hanggang ngayon. Ano pa ba ang maaaring gawin ng mga nilalang bukod sa magpasakop, sumunod, maniwala, magpahalaga, sumaksi, at magpuri sa awtoridad ng Lumikha? Sapagkat walang sinuman kundi ang bukod-tanging Diyos lamang ang may kapangyarihang magtatag ng naturang kasunduan. Muli’t muli, ang pagpapakita ng bahaghari ay nagbabalita sa sangkatauhan at tinatawag ang kanyang atensiyon sa kasunduan sa pagitan ng Lumikha at ng sangkatauhan. Sa patuloy na mga paglitaw ng kasunduan sa pagitan ng Lumikha at ng sangkatauhan, ang ipinakikita sa sangkatauhan ay hindi isang bahaghari o ang mismong kasunduan, kundi ang di-nagbabagong awtoridad ng Lumikha. Ang paulit-ulit na paglitaw ng bahaghari ay nagpapakita ng matitindi at mahimalang mga gawain ng Lumikha sa mga nakatagong lugar, at, kasabay nito, ay isang mahalagang repleksyon sa awtoridad ng Lumikha na hindi kailanman kukupas, at hindi kailanman magbabago. Hindi ba ito isang pagpapakita ng isa pang aspeto ng natatanging awtoridad ng Lumikha?

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi I

538. Matapos basahin ang “Si Abraham ay tunay na magiging isang bansang malaki at matibay, at pagpapalain sa kaniya ang lahat ng bansa sa lupa” sa Genesis 18:18, nararamdaman ba ninyo ang awtoridad ng Diyos? Nadarama ba ninyo ang pagiging pambihira ng Lumikha? Nararamdaman ba ninyo ang pangingibabaw ng Lumikha? Ang mga salita ng Diyos ay tiyak. Sinasabi ng Diyos ang mga naturang salita hindi dahil sa Kanyang tiwala sa tagumpay o para katawanin iyon; sa halip, ang mga iyon ay katibayan ng awtoridad ng mga pagbigkas ng Diyos, at utos na tumutupad sa mga salita ng Diyos. May dalawang pagpapahayag na kailangan ninyong pagtuunan ng pansin dito. Kapag sinasabi ng Diyos na “Si Abraham ay tunay na magiging isang bansang malaki at matibay, at pagpapalain sa kaniya ang lahat ng bansa sa lupa,” may anumang elemento ba ng kalabuan sa mga salitang ito? Mayroon bang anumang elemento ng pag-aalala? Mayroon bang anumang elemento ng takot? Dahil sa mga salitang “tunay na” at “magiging” sa mga pagbigkas ng Diyos, ang mga elementong ito, na partikular sa tao at laging nakikita sa kanya, ay hindi kailanman nagkaroon ng kaugnayan sa Lumikha. Walang sinuman na mangangahas na gamitin ang ganitong mga salita kapag nagnanais ng mabuti sa iba, walang sinumang mangangahas na basbasan ang iba pa ng isang dakila at makapangyarihang bansa nang may gayong katiyakan, o mangako na ang lahat ng bansa sa mundo ay pagpapalain sa pamamagitan niya. Kapag mas tiyak ang mga salita ng Diyos, mas may pinatutunayang bagay ang mga iyon—at ano ang bagay na iyon? Pinatutunayan ng mga iyon na ang Diyos ay may gayong awtoridad, na kaya ng Kanyang awtoridad na tuparin ang mga bagay na ito, at hindi maiiwasan ang katuparan ng mga ito. Ang Diyos ay tiyak sa Kanyang puso, nang walang katiting na pag-aalinlangan, sa lahat ng Kanyang pagpapala kay Abraham. Dagdag pa rito, matutupad ang kabuuan nito alinsunod sa Kanyang mga salita, at walang kahit anong puwersa ang maaaring makapagpabago, humadlang, sumira, o gumambala sa katuparan nito. Kahit ano pa man ang nangyari, walang makakapagpawalang-bisa o makakaimpluwensiya sa katuparan at kaganapan ng mga salita ng Diyos. Ito ang mismong kapangyarihan ng mga salitang binigkas mula sa bibig ng Lumikha, at ang awtoridad ng Lumikha na hindi nagpapahintulot sa pagtatanggi ng tao! Matapos basahin ang mga salitang ito, nakakaramdam ka pa rin ba ng padududa? Binigkas ang mga salitang ito mula sa bibig ng Diyos, at may kapangyarihan, pagiging maharlika, at awtoridad sa mga salita ng Diyos. Ang gayong kapangyarihan at awtoridad, at ang di-maiiwasang katuparan ng katotohanan, ay hindi naaabot ng anumang nilikha o di-nilikha, at hindi nalalampasan ng anumang nilikha o di-nilikha. Tanging ang Lumikha lamang ang kayang makipag-usap sa sangkatauhan nang may gayong tono at intonasyon, at napatunayan na ng mga totoong impormasyon na ang Kanyang mga pangako ay hindi mga salitang walang laman, o mga walang kwentang kayabangan, kundi isang pagpapahayag ng natatanging awtoridad na di-nalalampasan ng sinumang tao, anumang pangyayari, o bagay.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi I

539. Nang sinabi ng Diyos “pararamihin Ko ang iyong binhi,” ito ay kasunduang itinatag ng Diyos kay Abraham, at tulad ng kasunduan ng bahaghari, matutupad ito magpasawalang-hanggan, at ito ay isa ring pangako na ginawa ng Diyos kay Abraham. Tanging Diyos lamang ang kwalipikado at may kakayahang isakatuparan ang pangakong ito. Naniniwala man ang tao o hindi, tinatanggap man ito ng tao o hindi, at kung paano man ito tinitingnan o itinuturing ng tao, matutupad ang lahat ng ito nang eksakto, ayon sa mga salitang binigkas ng Diyos. Hindi mababago ang mga salita ng Diyos dahil sa mga pagbabago ng kalooban o mga kuru-kuro ng tao, at hindi ito mababago dahil sa mga pagbabago sa sinumang tao o anumang bagay o layon. Maaaring mawala ang lahat ng bagay, ngunit mananatili ang mga salita ng Diyos magpakailanman. Sa totoo lang, ang araw na mawawala ang lahat ng bagay ay ang mismong araw kung kailan ang mga salita ng Diyos ay lubos na matutupad, dahil Siya ang Lumikha, taglay Niya ang awtoridad ng Lumikha, ang kapangyarihan ng Lumikha, at kontrolado Niya ang lahat ng bagay at lahat ng puwersa ng buhay; kaya Niyang magpalabas ng isang bagay mula sa wala, o magpalaho ng isang bagay, at kontrolado Niya ang pagbabagong-anyo ng lahat ng bagay mula sa pagkabuhay hanggang sa kamatayan, dahil para sa Diyos, wala nang mas sisimple pa kaysa sa pagpaparami ng anak ng isang tao. Mukha itong hindi kapani-paniwala sa tao, parang isang kwentong pambata, ngunit para sa Diyos, ang Kanyang pinagpasyahang at ipinangakong gawin ay hindi isang bagay na hindi kapani-paniwala, ni hindi ito isang kwentong pambata. Sa halip, ito ay isang katotohanang nakita na ng Diyos at tiyak na matutupad. Pinahahalagahan ba ninyo ito? Pinapatunayan ba ng mga tunay na impormasyon na napakarami ang mga inapo ni Abraham? At gaano nga ba karami? Sindami ba ng “mga bituin sa langit, at gaya ng mga buhangin sa baybayin ng dagat” na sinabi ng Diyos? Kumalat ba sila sa lahat ng bansa at rehiyon, sa bawat lugar sa mundo? Sa anong paraang natupad ang katotohanang ito? Natupad ba ito sa pamamagitan ng awtoridad ng mga salita ng Diyos? Sa ilang daan o libong taon matapos mabigkas ang mga salita ng Diyos, patuloy na natutupad ang mga salita ng Diyos, at patuloy na nagiging mga napatunayang bagay; ito ang kapangyarihan ng mga salita ng Diyos, at katibayan ng awtoridad ng Diyos. Nang nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay sa simula, sinabi ng Diyos na “magkaroon ng liwanag,” at nagkaroon ng liwanag. Ito ay mabilis na nangyari, natupad sa napakaikling panahon, at walang pagkaantala sa pagsasagawa at katuparan nito; agaran ang mga bisa ng mga salita ng Diyos. Kapwa pagpapakita ng awtoridad ng Diyos ang mga ito, ngunit nang pinagpala ng Diyos si Abraham, pinahintulutan Niyang makita ng tao ang isa pang aspeto ng diwa ng awtoridad ng Diyos, at gayundin ang awtoridad ng Lumikha na hindi masusukat, at higit pa rito, pinahintulutan Niya ang tao na makita ang mas totoo at mas engrandeng aspeto ng awtoridad ng Lumikha.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi I

540. Matapos pagpalain ng Diyos sina Abraham at Job, hindi nanatili ang Diyos kung nasaan Siya, ni hindi Niya inutusan ang Kanyang mga mensahero habang naghihintay na makita kung ano ang kalalabasan. Kabaligtaran nito, sa sandaling binigkas ng Diyos ang Kanyang mga salita, sa ilalim ng gabay ng awtoridad ng Diyos, ang lahat ng bagay ay nagsimulang sumunod sa gawain na nilayong gawin ng Diyos, at nakahanda na roon ang mga tao, bagay, at layon na hinihingi ng Diyos. Ibig sabihin, sa sandaling binigkas ang mga salita mula sa bibig ng Diyos, pinagagana na ang awtoridad ng Diyos sa buong kalupaan, at nagtakda na Siya ng landas para gawin at tuparin ang mga pangako Niya kina Abraham at Job, habang ginagawa rin ang lahat ng naaangkop na mga plano at mga paghahanda para sa lahat ng hinihingi sa bawat hakbang at bawat mahalagang yugto na plano Niyang isakatuparan. Sa panahong ito, hindi lamang minaniobra ng Diyos ang Kanyang mga mensahero, kundi ang lahat din ng mga bagay na nilikha Niya. Ang ibig sabihin nito ay ang sakop kung saan ay nagamit ang awtoridad ng Diyos ay hindi lamang kinabibilangan ng mga mensahero, kundi maging ng lahat ng bagay, na minaniobra para makasunod sa gawain na nilayon Niyang tuparin; ito ang mga partikular na paraan na ginagamit ang awtoridad ng Diyos. Sa inyong mga guniguni, maaaring mayroon ang ilan ng mga sumusunod na pagkaunawa sa awtoridad ng Diyos: may awtoridad ang Diyos, at may kapangyarihan ang Diyos, at kaya kailangan lamang manatili ang Diyos sa pangatlong langit, o sa isang nakapirming lugar, at hindi kailangang gumawa ng anumang partikular na gawain, at ang kabuuan ng gawain ng Diyos ay nagaganap sa loob ng Kanyang mga iniisip. May mga maaari ring maniwala na, bagama’t pinagpala ng Diyos si Abraham, hindi na kailangang gumawa ng anumang bagay ang Diyos, at sapat na para sa Kanya na bigkasin lamang ang Kanyang mga salita. Ito ba talaga ang tunay na nangyari? Malinaw na hindi! Bagama’t may taglay ang Diyos na awtoridad at kapangyarihan, tunay at totoo ang Kanyang awtoridad, hindi hungkag. Ang pagiging totoo at realidad ng awtoridad at kapangyarihan ng Diyos ay unti-unting nabubunyag at kinakatawan sa Kanyang paglikha ng lahat ng bagay, at pagkontrol sa lahat ng bagay, at sa proseso kung saan pinangungunahan at pinamamahalaan Niya ang sangkatauhan. Ang bawat paraan, bawat pananaw, at bawat detalye ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa sangkatauhan at sa lahat ng bagay, at lahat ng gawain na Kanyang natupad, gayundin ang Kanyang pagkaunawa sa lahat ng bagay—ang lahat ng iyon ay literal na nagpapatunay na ang awtoridad at kapangyarihan ng Diyos ay hindi hungkag na mga salita. Ang Kanyang awtoridad at kapangyarihan ay ipinapakita at ibinubunyag nang palagian at sa lahat ng bagay. Ang mga pagpapamalas at pagbubunyag na ito ay nagsasalita tungkol sa tunay na pag-iral ng awtoridad ng Diyos, dahil ginagamit Niya ang Kanyang awtoridad at kapangyarihan para ipagpatuloy ang Kanyang gawain, at para utusan ang lahat ng bagay, at para pagharian ang lahat ng bagay sa bawat sandali; ang Kanyang kapangyarihan at awtoridad ay hindi mapapalitan ng mga anghel, o ng mga mensahero ng Diyos. Pinagpasyahan ng Diyos kung anong mga pagpapala ang Kanyang ipagkakaloob kina Abraham at Job—ang Diyos ang dapat na magdesisyon nito. Kahit pa personal na bumisita ang mga mensahero ng Diyos kina Abraham at Job, ang kanilang mga kilos ay naaayon sa mga kautusan ng Diyos, at ang kanilang mga kilos ay nasa ilalim ng awtoridad ng Diyos, at gayundin, ang mga mensahero ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Bagama’t nakita ng tao ang mga mensahero ng Diyos na binisita si Abraham, at hindi nasaksihan ang Diyos na si Jehova na personal na gumawa ng anumang bagay sa mga tala sa Biblia, sa totoo lang, ang Nag-iisang tunay na gumamit ng kapangyarihan at awtoridad ay ang Diyos Mismo, at hindi nito tinatanggap ang pagdududa ng sinumang tao! Bagama’t nakita mo na ang mga anghel at mga mensahero na nagtataglay ng matinding kapangyarihan, at nakagawa na ng mga himala, o nagawa na nila ang ilang bagay na inutos ng Diyos, ang mga pagkilos nila ay para lamang sa pagtupad ng utos ng Diyos, at ang mga ito ay walang-dudang hindi pagpapakita ng awtoridad ng Diyos—dahil walang tao o bagay ang mayroon, o nagtataglay, ng awtoridad ng Lumikha para lumikha ng lahat ng bagay at pagharian ang lahat ng bagay. Kaya walang tao o bagay ang makakagamit o makakapagpakita ng awtoridad ng Lumikha.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi I

541. Makagagawa ba ang Diyos ng isang bagay upang patunayan ang Kanyang sariling pagkakakilanlan? Para sa Diyos, napakadali nito—madaling-madali lang. Makagagawa Siya ng anumang bagay kahit saan, anumang oras upang patunayan ang Kanyang pagkakakilanlan at diwa, subali’t may sariling paraan ang Diyos sa paggawa ng mga bagay—may plano, at may mga hakbang. Hindi Siya basta-basta na lamang gumagawa ng mga bagay, nguni’t sa halip ay naghahanap ng tamang panahon at tamang pagkakataon upang gawin ang isang bagay na pahihintulutan Niyang makita ng tao, isang bagay na talagang pinuspos ng kabuluhan. Sa paraang ito, pinatunayan Niya ang Kanyang awtoridad at ang Kanyang pagkakakilanlan. Kung gayon, magagawa bang patunayan ng pagkabuhay na mag-uli ni Lazaro ang pagkakakilanlan ng Panginoong Jesus? Tingnan natin ang sumusunod na sipi ng kasulatan: “At nang masabi Niya ang gayon, ay sumigaw Siya ng malakas na tinig, Lazaro, lumabas ka. Siya na patay ay lumabas….” Nang ginawa ito ng Panginoong Jesus, isang bagay lang ang sinabi Niya: “Lazaro, lumabas ka.” At sa gayon ay lumabas si Lazaro mula sa kanyang libingan—ito ay naisakatuparan dahil lang sa iilang salita na binigkas ng Panginoon. Sa panahong ito, hindi nagtayo ang Panginoong Jesus ng dambana, at hindi Siya nagsagawa ng anumang iba pang pagkilos. Sinabi lang Niya ang isang bagay na ito. Dapat ba itong tawaging isang himala o isang utos? O isang uri ba ito ng salamangka? Kung tutuusin, tila matatawag itong isang himala, at kung titingnan ito mula sa makabagong pananaw, mangyari pa ay matatawag pa rin itong isang himala. Gayunpaman, tiyak na hindi ito maituturing na isang uri ng mahika na dapat magpabalik sa isang kaluluwa mula sa kamatayan, at lalong hindi ito salamangka, o anumang uri nito. Tamang sabihin na ang himalang ito ang pinakanormal, katiting na pagpapakita ng awtoridad ng Lumikha. Ito ang awtoridad at ang kapangyarihan ng Diyos. May awtoridad ang Diyos na hayaang mamatay ang isang tao, na hayaang lisanin ng kanyang espiritu ang kanyang katawan at bumalik sa Hades, o kung saan man ito dapat tumungo. Ang panahon ng kamatayan ng tao, at ang lugar kung saan sila tutungo pagkatapos mamatay—tinutukoy ang mga ito ng Diyos. Makapagpapasya Siya anumang oras at kahit saan, hindi napipigilan ng mga tao, mga pangyayari, mga bagay, espasyo, o heograpiya. Kung nais Niyang gawin ito, magagawa Niya ito, sapagka’t ang lahat ng bagay at ang lahat ng buhay na nilalang ay nasa ilalim ng Kanyang pamumuno, at ang lahat ng bagay ay isinisilang, nabubuhay, at naglalaho sa pamamagitan ng Kanyang salita at ng Kanyang awtoridad. Mabubuhay Niyang muli ang isang taong patay—at ito ay isa ring bagay na magagawa Niya anumang oras, kahit saan. Ito ang awtoridad na ang Lumikha lang ang nagtataglay.

Nang gumawa ang Panginoong Jesus ng mga bagay gaya ng pagbuhay muli kay Lazaro mula sa kamatayan, ang Kanyang layunin ay upang magbigay ng katunayan para sa mga tao at para makita ni Satanas, at upang ipaalam sa mga tao at kay Satanas na ang lahat ng tungkol sa sangkatauhan, ang buhay at kamatayan ng sangkatauhan ay tinutukoy ng Diyos, at na bagaman Siya ay nagkatawang-tao, nananatili Siyang may kapangyarihan sa pisikal na mundo na nakikita at gayundin sa espirituwal na daigdig na hindi nakikita ng mga tao. Ito ay upang ipaalam sa mga tao at kay Satanas na ang lahat ng tungkol sa sangkatauhan ay hindi nasa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Ito ay isang paghahayag at isang pagpapakita ng awtoridad ng Diyos, at ito ay isa ring paraan para sa Diyos na makapaghatid ng mensahe sa lahat ng bagay, na ang buhay at kamatayan ng sangkatauhan ay nasa mga kamay ng Diyos. Ang pagbuhay muli ng Panginoong Jesus kay Lazaro ay isa sa mga paraan kung paano tinuturuan at binibigyang-tagubilin ng Lumikha ang sangkatauhan. Ito ay isang kongkretong pagkilos na kung saan ay ginamit Niya ang Kanyang kapangyarihan at awtoridad upang bigyang-tagubilin at tustusan ang sangkatauhan. Ito ay isang paraan, na hindi gumagamit ng mga salita, para sa Lumikha na tulutan ang sangkatauhan na makita ang katotohanan na Siya ang may kapangyarihan sa lahat ng bagay. Ito ay isang paraan upang masabi Niya sa sangkatauhan sa pamamagitan ng mga praktikal na pagkilos na walang kaligtasan maliban sa pamamagitan Niya. Ang ganitong tahimik na pamamaraan na ginamit Niya upang bigyang-tagubilin ang sangkatauhan ay walang hanggan, di-napapawi, nagdulot sa mga puso ng tao ng isang pagkagimbal at kaliwanagan na hindi kailanman kukupas. Nakaluwalhati sa Diyos ang pagkabuhay na mag-uli ni Lazaro—may malaking epekto ito sa bawa’t isang tagasunod ng Diyos. Matatag nitong pinananatili sa bawa’t tao na nauunawaang mabuti ang pangyayaring ito ang pagkaunawa, ang pananaw na ang Diyos lang ang may kapangyarihan sa buhay at kamatayan ng sangkatauhan.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo III

542. Sa sandaling isilang kang umiiyak sa mundong ito, sinisimulan mong gawin ang iyong tungkulin. Para sa plano ng Diyos at sa Kanyang ordinasyon, ginagampanan mo ang iyong papel at sinisimulan ang iyong paglalakbay sa buhay. Anuman ang iyong pinagmulan, at anumang paglalakbay ang nasa iyong harapan, walang makakaiwas sa mga pagsasaayos at plano ng Langit, at walang sinumang may kontrol sa sarili nilang tadhana, dahil Siya lamang na namumuno sa lahat ng bagay ang may kakayahang gawin iyon. Mula nang umiral ang tao, iyon na ang ginagawa ng Diyos, pinamamahalaan ang sansinukob, pinangangasiwaan ang mga panuntunan ng pagbabago para sa lahat ng bagay at kung paano gagalaw ang mga ito. Tulad ng lahat ng bagay, tahimik at hindi alam ng tao na pinalulusog siya ng tamis at ulan at hamog mula sa Diyos; tulad ng lahat ng bagay, hindi alam ng tao na nabubuhay siya sa ilalim ng pagsasaayos ng kamay ng Diyos. Ang puso’t espiritu ng tao ay nasa kamay ng Diyos, lahat ng tungkol sa buhay niya ay namamasdan ng mga mata ng Diyos. Naniniwala ka man dito o hindi, anuman at lahat ng bagay, buhay man o patay, ay lilipat, magbabago, mapapanibago, at maglalaho alinsunod sa mga iniisip ng Diyos. Ganito pinamumunuan ng Diyos ang lahat ng bagay.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Diyos ang Pinagmulan ng Buhay ng Tao

543. Kung ang kapanganakan ng isang tao ay itinadhana ng nakaraan niyang buhay, samakatuwid ang kamatayan niya ang nagmamarka sa katapusan ng tadhanang iyon. Kung ang kapanganakan ng isang tao ay simula ng kanyang misyon sa buhay na ito, samakatuwid ang kamatayan niya ang nagmamarka sa katapusan ng misyong iyon. Yamang ang Lumikha ang nagtadhana ng isang itinakdang hanay ng mga pangyayari para sa kapanganakan ng isang tao, hindi man sabihin ay Siya rin ang nagsaayos ng isang itinakdang hanay ng mga pangyayari para sa kamatayan niya. Sa ibang salita, walang sinuman ang ipinanganak na nagkataon lang, walang kamatayan ang biglaan, at kapwa ang kapanganakan at kamatayan ay marapat na konektado sa nakaraan at kasalukuyang buhay ng isang tao. Ang mga pangyayari sa kapanganakan at kamatayan niya ay kapwa itinadhana ng Lumikha; ito ang tadhana ng isang tao, ang kapalaran ng isang tao. Dahil marami ang paliwanag tungkol sa kapanganakan ng isang tao, totoo rin na likas na magaganap ang kamatayan ng tao sa ilalim ng espesyal na hanay ng magkakaibang pangyayari, kung kaya may magkakaibang haba ng buhay ang mga tao at magkakaibang kaparaanan at mga oras ang kanilang mga kamatayan. May ilang tao na malakas at malusog ngunit namamatay nang maaga; ang mga iba ay mahina at sakitin ngunit nabubuhay hanggang sa tumanda at namamatay nang mapayapa. Ang ilan ay namamatay sa di-natural na mga sanhi, ang iba’y sa natural na paraan. Ang ilan ay tinatapos ang kanilang mga buhay nang malayo sa tahanan, ang iba’y ipinipikit ang kanilang mga mata sa huling pagkakataon sa piling ng kanilang mga mahal sa buhay. Ang ilang tao ay namamatay sa himpapawid, ang iba’y sa ilalim ng lupa. Ang ilan ay lumulubog sa ilalim ng tubig, ang iba’y nawawala sa mga sakuna. Ang ilan ay namamatay sa umaga, ang iba ay sa gabi. … Ang lahat ay nagnanais ng isang tanyag na kapanganakan, isang maningning na buhay, at isang maluwalhating kamatayan, subalit walang sinuman ang makakawala sa sarili niyang tadhana, walang sinuman ang maaaring makatakas sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha. Ito ang kapalaran ng tao. Maaaring gawin ng tao ang lahat ng uri ng mga plano para sa kanyang kinabukasan, subalit walang sinuman ang maaaring makapagplano ng kaparaanan at panahon ng kanyang kapanganakan at ng kanyang pag-alis mula sa mundo. Bagaman ginagawa ng mga tao ang lahat ng kanilang makakaya upang iwasan at pigilan ang pagdating ng kamatayan, gayunpaman, tahimik na lumalapit ang kamatayan nang hindi nila nalalaman. Walang sinuman ang nakakaalam kung kailan o kung paano sila mamamatay, lalong hindi nila alam kung saan ito magaganap. Malinaw na hindi ang sangkatauhan ang humahawak ng kapangyarihan ng buhay at kamatayan, hindi isang nilalang sa natural na mundo, kundi ang Lumikha, na ang awtoridad ay natatangi. Ang buhay at kamatayan ng sangkatauhan ay hindi bunga ng ilang batas ng mundong natural, ngunit bunga ng kataas-taasang kapangyarihan ng awtoridad ng Lumikha.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III

544. Sa ilalim ng awtoridad ng Diyos, aktibo o di-aktibong tinatanggap ng bawat tao ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at ang Kanyang mga pagsasaayos, at kahit paano pa nakikibaka sa kurso ng kanyang sariling buhay ang tao, kahit gaano pa karami ang mga baluktot na daan na nilalakaran niya, sa huli ay babalik siya sa landas ng kapalaran na iginuhit ng Lumikha para sa kanya. Ito ang pagiging di-nagagapi ng awtoridad ng Lumikha at ang paraan kung saan ang Kanyang awtoridad ang nagkokontrol at namamahala sa sansinukob. Ang pagiging di-nagagaping ito, ang anyong ito ng pagkontrol at pamamahala na may pananagutan sa mga batas na nagdidikta sa mga buhay ng lahat ng bagay, na nagpapahintulot sa mga taong isilang muli’t muli nang walang panghihimasok, na regular na nagpapaikot at nagpapasulong sa mundo, araw-araw, taun-taon. Nasaksihan ninyo ang lahat ng katotohanang ito at nauunawaan ang mga ito, sa mababaw man o malalim na paraan, at ang lalim ng inyong pagkaunawa ay nakabatay sa inyong karanasan at kaalaman sa katotohanan, at sa inyong kaalaman sa Diyos. Kung gaano kahusay mong nalalaman ang katotohanang realidad, kung gaano mo naranasan ang mga salita ng Diyos, kung gaano kahusay na nalalaman ang diwa at disposisyon ng Diyos—ang lahat ng ito ay kumakatawan sa lalim ng iyong pagkaunawa sa kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos. Ang pag-iral ba ng kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos ay nakabatay sa pagpapasakop ng mga tao sa mga ito? Ang katotohanan ba na nag-aangkin ang Diyos ng awtoridad na ito ay tinutukoy ng pagpapasakop ng sangkatauhan dito? Umiiral ang awtoridad ng Diyos kahit ano pa ang mga kalagayan. Sa lahat ng sitwasyon, idinidikta at isinasaayos ng Diyos ang kapalaran ng bawat tao at ng lahat ng bagay ayon sa Kanyang mga iniisip at sa Kanyang mga ninanais. Hindi ito magbabago dahil nagbabago ang mga tao; ito ay hindi umaasa sa kalooban ng tao at hindi maaaring baguhin ng anumang pagbabago sa panahon, espasyo, at heograpiya, sapagkat ang awtoridad ng Diyos ay ang Kanyang pinakadiwa. Nalalaman at tinatanggap man ng tao ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos o hindi, nagpapasakop man ang tao dito o hindi—hindi nito binabago nang kahit kaunti ang katotohanan ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa kapalaran ng tao. Ibig sabihin, kahit ano pa man ang saloobin ng tao sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, hindi nito maaaring basta na lang baguhin ang katotohanan na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa kapalaran ng tao at sa lahat ng bagay. Kahit na hindi ka nagpapasakop sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, Siya pa rin ang may hawak sa iyong kapalaran; kahit na hindi mo nalalaman ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan, umiiral pa rin ang Kanyang awtoridad. Ang awtoridad ng Diyos at ang katotohanan ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa kapalaran ng tao ay hindi umaasa sa kalooban ng tao, at hindi nagbabago ayon sa mga kagustuhan at mga pinipili ng tao. Ang awtoridad ng Diyos ay nasa lahat ng dako, sa bawat oras, sa bawat sandali. Ang Langit at lupa ay lilipas, ngunit ang Kanyang awtoridad ay hindi kailanman lilipas, sapagkat Siya ay ang Diyos Mismo, Siya ang nag-aangkin ng natatanging awtoridad, at ang awtoridad Niya ay hindi nalalagyan ng hangganan o nalilimitahan ng mga tao, mga pangyayari, o mga bagay, ng espasyo o ng heograpiya. Sa lahat ng panahon, hawak ng Diyos ang Kanyang awtoridad, ipinakikita Niya ang Kanyang lakas, ipinagpapatuloy gaya ng dati ang Kanyang gawaing pamamahala; sa lahat ng panahon ay pinamamahalaan Niya ang lahat ng bagay, naglalaan para sa lahat ng bagay, isinasaayos ang lahat ng bagay—gaya ng palagi Niyang ginagawa. Walang sinuman ang makapagpapabago rito. Ito ay katotohanan; ito ang hindi nagbabagong katotohanan mula pa noong unang panahon!

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III

545. Ang mga katotohanan tungkol sa awtoridad ng Diyos ay mga katotohanan na dapat seryosong isaalang-alang ng bawat tao, na dapat maranasan at maunawaan sa kanilang puso; sapagkat ang mga katotohanang ito ay may kinalaman sa buhay ng bawat tao, sa nakaraan, sa kasalukuyan, at sa hinaharap ng bawat tao, sa mahahalagang sugpungan na dapat pagdaanan ng bawat tao sa buhay; sa kaalaman ng tao sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at sa saloobin na dapat niyang taglayin sa pagharap sa awtoridad ng Diyos, at siyempre, sa huling hantungan ng bawat tao. Kaya kinakailangan ng isang habambuhay na halaga ng enerhiya upang malaman at maunawaan ang mga ito. Kapag sineryoso mo ang awtoridad ng Diyos, kapag tinanggap mo ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, unti-unti mong matatanto at mauunawaan na ang awtoridad ng Diyos ay tunay na umiiral. Ngunit kung hindi mo kailanman kinilala ang awtoridad ng Diyos at hindi kailanman tinanggap ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan, kung gayon kahit ilang taon ka pang mabuhay, hindi ka magtatamo ng kahit bahagyang kaalaman sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Kung hindi mo tunay na nakikilala at nauunawaan ang awtoridad ng Diyos, kung gayon kapag nakarating ka sa dulo ng daan, kahit na naniwala ka na sa Diyos nang maraming dekada, wala kang maipapakita sa iyong buhay, at tiyak na wala ka ni pinakamaliit na kaalaman tungkol sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa kapalaran ng tao. Hindi ba’t ito’y isang napakalungkot na bagay? Kaya kahit gaano pa kalayo ang nalakbay mo sa buhay, kahit gaano ka pa katanda ngayon, kahit gaano pa katagal ang natitira sa iyong paglalakbay, dapat mo munang kilalanin ang awtoridad ng Diyos at seryosohin ito, tanggapin ang katotohanan na ang Diyos ang iyong natatanging Panginoon. Ang makatamo ng malinaw at tamang kaalaman at pagkaunawa sa mga katotohanang ito tungkol sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa kapalaran ng tao ay isang sapilitang leksiyon para sa lahat; ito ang susi sa pag-alam sa buhay ng tao at pagtamo sa katotohanan. Ganito ang buhay ng pagkilala sa Diyos, ang pangunahing kurso ng pag-aaral nito, na dapat harapin ng bawat isa bawat araw, at hindi maiiwasan ninuman. Kung may isa sa inyo na nais tahakin ang pinakamadaling daan upang makarating sa layuning ito, kung gayon ay sinasabi Ko sa iyo, imposible iyon! Kung nais mong takasan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, mas lalong imposible iyon! Ang Diyos lamang ang tanging Panginoon ng tao, ang Diyos lamang ang tanging Panginoon ng kapalaran ng tao, kaya imposible para sa tao na diktahan ang sarili niyang kapalaran at imposible para sa kanya na humakbang palayo rito. Kahit gaano pa kagaling ang mga kakayahan ng tao, hindi niya maaaring maimpluwensyahan—lalong hindi niya maisasaayos, maihahanda, makokontrol, o mababago—ang mga kapalaran ng iba. Ang mismong natatanging Diyos lamang ang nagdidikta ng lahat ng bagay para sa tao, sapagkat Siya lamang ang nag-aangkin ng natatanging awtoridad na may kapangyarihan sa ibabaw ng kapalaran ng tao; kung kaya’t tanging ang Lumikha ang natatanging Panginoon ng tao. Ang awtoridad ng Diyos ang may tangan sa kataas-taasang kapangyarihan hindi lamang sa ibabaw ng nilikhang sangkatauhan, ngunit maging sa mga di-nilalang na hindi nakikita ng tao, sa mga bituin, sa kosmos. Ito ay isang hindi mapapabulaanang katotohanan, isang katotohanan na tunay na umiiral, na hindi maaaring mabago ninuman o ng anuman. Kung may isa sa inyo ang hindi pa rin nasisiyahan sa mga bagay sa kasalukuyan, naniniwala na ikaw ay may ilang espesyal na kasanayan o kakayahan, at iniisip pa rin na kapag dinapuan ka ng suwerte ay mababago mo ang iyong kasalukuyang mga kalagayan o di kaya ay matakasan ang mga ito; kung pagtatangkaan mong baguhin ang iyong sariling kapalaran sa mga paraan ng pagpupunyagi ng tao, at nang sa gayon ay mamukod-tangi sa iba at magtamo ng katanyagan at kayamanan; kung gayon ay sinasabi Ko sa iyo, ginagawa mong mas mahirap ang mga bagay para sa iyong sarili, naghahanap ka lamang ng gulo at hinuhukay mo ang iyong sariling libingan! Isang araw, sa malao’t madali, matutuklasan mo na mali ang pinili mo, na nasayang ang iyong mga pagpupunyagi. Ang iyong ambisyon, ang iyong pagnanais na makipagbuno laban sa kapalaran, at ang iyong sariling kasuklam-suklam na pag-uugali, ang magdadala sa iyo sa walang pabalik na daan, at dahil dito ay magbabayad ka ng mapait na halaga. Bagaman sa kasalukuyan ay hindi mo nakikita ang kalubhaan ng kahihinatnan, habang iyong nararanasan at mas malalim na pinapahalagahan ang katotohanan na ang Diyos ang Panginoon ng kapalaran ng tao, unti-unti mong matatanto kung ano ang Aking sinasabi ngayon at ang tunay na mga implikasyon nito. Kung tunay mang mayroon kang puso at espiritu, kung ikaw man ay isang tao na nagmamahal sa katotohanan, ay nakasalalay sa uri ng saloobing mayroon ka tungkol sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at tungkol sa katotohanan. At natural, ito ang tumutukoy kung maaari mong tunay na malaman at maunawaan ang awtoridad ng Diyos. Kung kailanma’y hindi mo pa naramdaman sa iyong buhay ang dakilang kapangyarihan ng Diyos at ang Kanyang mga pagsasaayos, lalo na ang kilalanin at tanggapin ang awtoridad ng Diyos, kung gayon ikaw ay magiging lubos na walang halaga, at walang duda na ikaw ay kamumuhian at tatanggihan ng Diyos, dahil sa daan na iyong tinahak at sa pagpiling ginawa mo. Subalit sa gawain ng Diyos, ang mga kayang tanggapin ang Kanyang pagsubok, tanggapin ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan, magpapasakop sa Kanyang awtoridad, at unti-unting magtatamo ng tunay na karanasan ng Kanyang mga salita, ay makapagkakamit ng tunay na kaalaman ng awtoridad ng Diyos, tunay na pagkaunawa ng Kanyang kataas-taasang kapangyarihan; tunay na mapapasailalim sila sa Lumikha. Tanging ang ganoong mga tao ang tunay na maliligtas.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III

546. Nilikha ng Diyos ang mundong ito, nilikha Niya ang sangkatauhang ito, at bukod dito, Siya ang arkitekto ng sinaunang kulturang Griyego at sibilisasyon ng tao. Ang Diyos lamang ang umaaliw sa sangkatauhang ito, at ang Diyos lamang ang nagmamalasakit sa sangkatauhang ito gabi’t araw. Ang pag-unlad at paglago ng tao ay hindi mapaghihiwalay mula sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at ang kasaysayan at hinaharap ng sangkatauhan ay hindi mailalabas mula sa mga disenyo ng Diyos. Kung ikaw ay isang tunay na Kristiyano, ikaw ay tiyak na maniniwala na ang pagbangon at pagbagsak ng anumang bayan o bansa ay nangyayari ayon sa mga disenyo ng Diyos. Diyos lamang ang nakakaalam sa kapalaran ng isang bayan o bansa, at Diyos lamang ang namamahala sa landasin ng sangkatauhang ito. Kung ang sangkatauhan ay nais na magkaroon ng isang magandang kapalaran, kung ang isang bayan ay nais na magkaroon ng isang magandang kapalaran, ang tao ay dapat na yumuko sa Diyos sa pagsamba, magsisi at mangumpisal sa harap ng Diyos, at kung hindi, ang magiging kapalaran at hantungan ng tao ay isang hindi maiiwasang sakuna.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 2: Ang Diyos ang Namumuno sa Kapalaran ng Buong Sangkatauhan

547. Ang mga kapalaran ng sangkatauhan at ng sansinukob ay malapit na nakaugnay sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, di-maihihiwalay sa mga pagsasaayos ng Lumikha; sa katapusan, ang mga ito ay hindi maaaring maihiwalay mula sa awtoridad ng Lumikha. Sa mga batas ng lahat ng bagay nagsisimulang maunawaan ng tao ang mga pagsasaayos ng Lumikha at ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan; sa mga patakaran ng pananatiling buhay ng lahat ng bagay ay nararamdaman niya ang pamamahala ng Lumikha; sa mga kapalaran ng lahat ng bagay siya nakakakuha ng mga konklusyon tungkol sa mga paraan ng Lumikha ng paggamit ng Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at kontrol sa kanila; at sa mga siklo ng buhay ng mga tao at ng lahat ng bagay, tunay na nararanasan ng tao ang pagsasaayos at paghahanda ng Lumikha sa lahat ng bagay at mga nabubuhay na nilalang, upang masaksihan kung paano nangingibabaw ang mga pagsasaayos at paghahandang iyon sa lahat ng batas, patakaran, at institusyon sa lupa, at lahat ng iba pang kapangyarihan at puwersa. Dahil dito, napipilitan ang sangkatauhan na tanggapin na hindi maaaring labagin ng sinumang nilalang ang kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, na walang puwersa ang maaaring umagaw o bumago sa mga pangyayari at mga bagay na itinadhana ng Lumikha. Sa ilalim ng mga banal na batas at mga patakarang ito nabubuhay at nagpaparami ang mga tao at ang lahat ng bagay sa bawat salinlahi. Hindi ba ito ang tunay na sumasagisag sa awtoridad ng Lumikha?

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III

548. Bagama’t nagtataglay ang Diyos ng awtoridad at kapangyarihan, napakahigpit Niya at maprinsipyo sa Kanyang mga pagkilos, at nananatiling totoo sa Kanyang salita. Ang pagiging mahigpit Niya, at ang mga prinsipyo ng Kanyang mga pagkilos, ay nagpapakita na di-nasasaktan ang Lumikha at di-nalalampasan ang awtoridad ng Lumikha. Kahit na nagtataglay Siya ng kataas-taasang awtoridad, at ang lahat ng bagay ay nasa ilalim ng Kanyang pamamahala, at kahit na may kapangyarihan Siya na pagharian ang lahat ng bagay, hindi kailanman nasira o nagambala ng Diyos ang Kanyang sariling plano, at sa bawat pagkakataon na Kanyang ginagamit ang Kanyang awtoridad, ito ay mahigpit na naaayon sa Kanyang sariling mga prinsipyo, at lubos na sumusunod sa kung ano ang binigkas mula sa Kanyang bibig, at sumusunod sa mga hakbang at layunin ng Kanyang plano. Hindi na kailangan pang sabihin, ang lahat ng bagay na pinaghaharian ng Diyos ay sumusunod din sa mga prinsipyo kung paano ginagamit ang awtoridad ng Diyos, at walang tao o bagay ang hindi kasali sa pagsasaayos ng Kanyang awtoridad, ni hindi nila mababago ang mga prinsipyo kung paano ginagamit ang Kanyang awtoridad. Sa mga mata ng Diyos, ang mga pinagpala ay nakakatanggap ng magandang kapalaran na dala ng Kanyang awtoridad, at ang mga isinusumpa ay nakakatanggap ng kanilang kaparusahan dahil sa awtoridad ng Diyos. Sa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng awtoridad ng Diyos, walang tao o bagay ang hindi saklaw ng paggamit ng Kanyang awtoridad, ni makapagbabago ng mga prinsipyo kung paano ginagamit ang Kanyang awtoridad. Ang awtoridad ng Lumikha ay hindi nababago ng mga pag-iiba sa anumang salik, at gayundin, hindi nababago ng anumang dahilan ang mga prinsipyo kung paano ginagamit ang Kanyang awtoridad. Maaaring sumailalim sa napakalaking pagbabago ang langit at lupa, ngunit ang awtoridad ng Lumikha ay hindi magbabago; mawala man ang lahat ng bagay, ngunit hindi kailanman mawawala ang awtoridad ng Lumikha. Ito ang diwa ng di-nagbabago at di-nalalabag na awtoridad ng Lumikha, at ito mismo ang pagiging napakanatatangi ng Lumikha!

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi I

549. Si Satanas ay hindi kailanman nangahas na suwayin ang awtoridad ng Diyos, at higit pa rito ay laging maingat na nakinig at sumunod sa mga atas at partikular na kautusan ng Diyos, hindi kailanman nangangahas na labagin ang mga ito, at siyempre, hindi nangangahas na malayang baguhin ang anuman sa mga atas ng Diyos. Gayon ang mga hangganan na naitalaga na ng Diyos kay Satanas, at kaya hindi kailanman nangahas si Satanas na lumampas sa mga hangganang ito. Hindi ba ito ang kapangyarihan ng awtoridad ng Diyos? Hindi ba ito patotoo sa awtoridad ng Diyos? May mas malinaw na pagkaunawa si Satanas kaysa sa sangkatauhan kung paano kumilos tungo sa Diyos, at kung paano tingnan ang Diyos, at kaya, sa espirituwal na daigdig, napakalinaw na nakikita ni Satanas ang katayuan at awtoridad ng Diyos, at may malalim na pagpapahalaga sa kapangyarihan ng awtoridad ng Diyos at sa mga prinsipyo sa likod ng pag-uunat ng Kanyang awtoridad. Hindi nito pinangangahasan, ni minsan, na hindi pansinin ang mga ito, ni hindi ito nangangahas na labagin ang mga ito sa anumang paraan, o gawin ang anumang bagay na sumusuway sa awtoridad ng Diyos, at hindi ito nangangahas na hamunin ang poot ng Diyos sa anumang paraan. Bagama’t likas na masama at mapagmataas ito, hindi kailanman nangahas si Satanas na lumampas sa mga hangganan at limitasyon na itinalaga para dito ng Diyos. Sa milyun-milyong taon, ito’y mahigpit na sumunod sa mga hangganang ito, sumunod sa bawat kautusan at atas na ibinigay rito ng Diyos, at hindi kailanman nangahas na lampasan ang limitasyon. Kahit masama ang hangarin nito, di-hamak na mas matalino si Satanas kaysa sa tiwaling sangkatauhan; alam nito ang pagkakakilanlan ng Lumikha, at alam nito ang sarili nitong hangganan. Mula sa mga “mapagpasakop” na kilos ni Satanas, makikita na ang awtoridad at kapangyarihan ng Diyos ay mga kautusan ng kalangitan na hindi malalabag ni Satanas, at dahil mismo sa pagiging natatangi at awtoridad ng Diyos kaya ang lahat ng bagay ay nagbabago at dumadami sa isang maayos na paraan, kaya nabubuhay ang sangkatauhan at dumarami alinsunod sa landas na itinatag ng Diyos, at walang tao o bagay ang may kakayahang guluhin ang kaayusang ito, at walang tao o bagay ang may kakayahang baguhin ang batas na ito—dahil ang lahat ng iyon ay galing sa mga kamay ng Lumikha, at mula sa atas at awtoridad ng Lumikha.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi I

550. Ang espesyal na pagkakakilanlan ni Satanas ay nagsanhi na sa maraming tao na magpakita ng matinding interes sa mga pagpapamalas nito sa iba’t ibang aspeto. Marami pa ngang mga hangal na tao ang naniniwala na, tulad ng Diyos, nagtataglay rin si Satanas ng awtoridad, dahil may kakayahan si Satanas na magpakita ng mga himala, at may kakayahang gumawa ng mga bagay na imposible sa sangkatauhan. At kaya, bukod sa pagsamba sa Diyos, naglalaan din ang sangkatauhan ng lugar sa kanyang puso para kay Satanas, at sinasamba pa si Satanas bilang Diyos. Parehong kaawa-awa at kasuklam-suklam ang mga taong ito. Kaawa-awa sila dahil sa kanilang kamangmangan, at kasuklam-suklam dahil sa kanilang maling pananampalataya at likas na masamang kakanyahan. Sa puntong ito, pakiramdam Ko ay kailangang ipaalam sa inyo kung ano ang awtoridad, ano ang isinasagisag nito, at kung ano ang kinakatawan nito. Sa pangkalahatang pananalita, ang Diyos Mismo ay awtoridad, isinasagisag ng Kanyang awtoridad ang kataas-taasang kapangyarihan at diwa ng Diyos, at ang awtoridad ng Diyos Mismo ay kumakatawan sa katayuan at pagkakakilanlan ng Diyos. Yamang ito ang sitwasyon, nangangahas ba si Satanas na sabihin na ito mismo ay Diyos? Nangangahas ba si Satanas na sabihin na ito ang lumikha ng lahat ng bagay, at humahawak ng kataas-taasang kapangyarihang maghari sa lahat ng bagay? Siyempre hindi! Dahil wala itong kakayahan na likhain ang lahat ng bagay; hanggang ngayon, hindi kailanman ito nakagawa ng anumang bagay na nilikha ng Diyos, at hindi kailanman nakalikha ng anumang bagay na may buhay. Dahil wala itong awtoridad ng Diyos, hindi ito kailanman maaaring magtaglay ng katayuan at pagkakakilanlan ng Diyos, at ito ay nalalaman sa pamamagitan ng diwa nito. Mayroon ba itong kaparehong kapangyarihan tulad ng sa Diyos? Siyempre wala! Ano ang tawag natin sa mga kilos ni Satanas, at sa mga himalang ipinakikita ni Satanas? Kapangyarihan ba ito? Maaari ba itong matawag na awtoridad? Siyempre hindi! Pinamamahalaan ni Satanas ang agos ng kasamaan, at sinisira, pinipinsala, at ginagambala ang bawat aspeto ng gawain ng Diyos. Sa nakaraang ilang libong taon, bukod sa pagtiwali at pang-aabuso sa sangkatauhan, at pang-aakit at panlilinlang sa tao sa kasamaan, at sa pagtanggi sa Diyos para maglakad ang tao patungo sa lambak ng anino ng kamatayan, nakagawa na ba ng anumang bagay si Satanas na karapat-dapat sa kahit katiting na pag-alala, papuri, o pagtatangi ng tao? Kung nagtaglay ng awtoridad at kapangyarihan si Satanas, magagawang tiwali kaya nito ang sangkatauhan? Kung nagtaglay ng awtoridad at kapangyarihan si Satanas, mapipinsala kaya nito ang sangkatauhan? Kung nagtaglay ng kapangyarihan at awtoridad si Satanas, matatalikuran kaya ng sangkatauhan ang Diyos at mapapaharap na sa kamatayan? Yamang walang awtoridad at kapangyarihan si Satanas, ano ang maaari nating pagtibayin tungkol sa diwa ng lahat ng ginagawa nito? Mayroong mga nagpapakahulugan sa lahat ng ginagawa ni Satanas bilang panlilinlang lamang, ngunit naniniwala Ako na hindi masyadong naaangkop ang gayong pakahulugan. Ang masasama ba nitong gawa ng katiwalian sa sangkatauhan ay panlilinlang lamang? Ang masamang kapangyarihan na ginamit ni Satanas para abusuhin si Job, at ang mabagsik na pagnanasa nito na abusuhin at lamunin siya, ay hindi makakamit ng panlilinlang lamang. Sa pagbabalik-tanaw, sa isang iglap, ang mga kawan at mga bakahan ni Job, na nakakalat nang malayo at malawak sa buong kaburulan at kabundukan, ay nawala; sa isang iglap, nawala ang malaking kayamanan ni Job. Kaya ba iyong makamit ng panlilinlang lamang? Ang kalikasan ng lahat ng ginagawa ni Satanas ay tumutugon at akma sa mga negatibong termino gaya ng para maminsala, para manggambala, para manira, para manakit, kasamaan, paghahangad ng masama, at kadiliman, at kaya ang pangyayari ng lahat ng hindi matuwid at masama ay mahigpit na nakadikit sa mga gawa ni Satanas, at hindi maihihiwalay sa masamang diwa ni Satanas. Kahit gaano pa “kalakas” si Satanas, kahit gaano pa ito kapangahas at kaambisyoso, kahit gaano pa katindi ang abilidad nito para magdulot ng pinsala, kahit gaano pa kalawak ang mga paraan para gawing tiwali at akitin nito ang tao, kahit gaano pa kagaling ang mga pandaraya at mga pakana niya sa pananakot ng tao, kahit gaano pa pabago-bago ang anyo ng pag-iral nito, hindi pa ito kailanman nakalikha ng kahit isang buhay na nilalang, hindi pa kailanman nakapagtakda ng mga batas at patakaran para sa pag-iral ng lahat ng bagay, at hindi pa kailanman naghari o kumontrol ng anumang bagay, may buhay man o wala. Sa loob ng kosmos at sa kalangitan, wala ni isang tao o bagay ang naisilang mula rito, o umiiral nang dahil dito; wala ni isang tao o bagay ang pinaghaharian nito, o kinokontrol nito. Sa kabaligtaran, hindi lamang nito kailangang sumailalim sa pamamahala ng Diyos, kundi, higit pa rito ay kailangang sumunod sa lahat ng atas at kautusan ng Diyos. Kung walang pahintulot ang Diyos, mahirap para kay Satanas na hipuin kahit na ang isang patak ng tubig o butil ng buhangin sa lupa; kung walang pahintulot ang Diyos, ni hindi malaya si Satanas na galawin man lamang ang mga langgam sa lupa—lalo na ang sangkatauhan, na nilikha ng Diyos. Sa mga mata ng Diyos, mas mababa pa si Satanas sa mga liryo ng kabundukan, sa mga ibon na lumilipad sa himpapawid, sa mga isda sa karagatan, at sa mga uod sa lupa. Ang papel nito sa lahat ng bagay ay para pagsilbihan ang lahat ng bagay, at gumawa para sa sangkatauhan, at pagsilbihan ang gawain ng Diyos at ang Kanyang plano ng pamamahala. Kahit gaano pa kasama ang hangarin ng kalikasan nito, at gaano man kasama ang diwa nito, ang tanging bagay na magagawa nito ay ang tapat na gawin ang tungkulin nito: ang magsilbi sa Diyos, at ang salungatin ang Diyos. Ito ang diwa at kinatatayuan ni Satanas. Ang diwa nito ay hindi kaugnay sa buhay, hindi kaugnay sa kapangyarihan, hindi kaugnay sa awtoridad; laruan lamang ito sa mga kamay ng Diyos, isa lang makina na nagsisilbi sa Diyos!

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi I

551. Kahit na tinitingnan ni Satanas si Job nang may inggit sa mga mata, hindi ito nangahas na hipuin ni isang buhok sa katawan ni Job nang walang pahintulot ng Diyos. Kahit pa likas na masama at malupit si Satanas, matapos ibaba ng Diyos ang Kanyang utos dito, wala nang nagawa si Satanas kundi sumunod sa kautusan ng Diyos. Samakatuwid, kahit na si Satanas ay kasing-ulol ng isang lobo sa gitna ng mga tupa, pagdating kay Job, hindi nito tinangkang kalimutan ang mga hangganan na itinakda ng Diyos para dito, hindi ito nangahas na labagin ang mga atas ng Diyos, at sa lahat ng ginawa nito, hindi nangahas na lumihis si Satanas mula sa mga prinsipyo at hangganan ng mga salita ng Diyos—hindi ba ito isang katotohanan? Mula rito ay makikita na hindi nangangahas si Satanas na salungatin ang anumang mga salita ng Diyos na si Jehova. Para kay Satanas, ang bawat salita mula sa bibig ng Diyos ay isang utos at isang batas ng kalangitan, isang pagpapahayag ng awtoridad ng Diyos—dahil sa likod ng bawat salita ng Diyos ay ipinahihiwatig ang kaparusahan ng Diyos para sa mga lumalabag sa mga utos ng Diyos, at sa mga sumusuway at sumasalungat sa mga batas ng kalangitan. Malinaw na alam ni Satanas na kapag nilabag nito ang mga utos ng Diyos, kung gayon ay kailangan nitong tanggapin ang mga bunga ng paglabag sa awtoridad ng Diyos at pagsalungat sa mga kautusan ng kalangitan. Ano ba ang mga kahihinatnang ito? Hindi na kailangang sabihin, ang mga iyon ay ang kaparusahan ng Diyos dito. Ang mga pagkilos ni Satanas tungo kay Job ay isang maliit na paglalarawan lamang ng katiwalian nito sa tao, at nang isinakatuparan ni Satanas ang mga pagkilos na ito, ang mga itinakdang hangganan ng Diyos at ang Kanyang ibinabang mga utos kay Satanas ay isang maliit na paglalarawan lamang ng mga prinsipyo sa likod ng lahat ng ginagawa nito. Dagdag pa rito, ang tungkulin at papel ni Satanas sa bagay na ito ay isang maliit na paglalarawan lamang ng tungkulin at papel nito sa gawain ng pamamahala ng Diyos, at ang lubos na pagsunod ni Satanas sa Diyos sa panunukso nito kay Job ay isang maliit na paglalarawan lamang kung paanong hindi nangahas si Satanas na kumontra nang kahit kaunti sa Diyos sa gawain ng pamamahala ng Diyos. Anong babala ang ibinibigay ng maliliit na paglalarawang ito sa inyo? Sa lahat ng bagay, kasama na si Satanas, walang tao o bagay ang makakalabag sa mga batas ng kalangitan at mga utos na itinakda ng Lumikha, at walang tao o bagay ang nangangahas na labagin ang mga batas at utos ng kalangitan na ito, dahil walang tao o bagay ang maaaring bumago o tumakas mula sa kaparusahan na ipinapataw ng Lumikha sa mga sumusuway sa mga ito. Tanging ang Lumikha lamang ang makakapagtatag ng mga batas at mga utos ng kalangitan, tanging ang Lumikha lamang ang may kapangyarihan na ipatupad ang mga ito, at tanging ang kapangyarihan lamang ng Lumikha ang hindi malalabag ng sinumang tao o bagay. Ito ang natatanging awtoridad ng Lumikha, at kataas-taasan ang awtoridad na ito sa lahat ng bagay, at kaya imposibleng sabihin na “ang Diyos ang pinakadakila at pangalawa si Satanas.” Maliban sa Lumikha na nagtataglay ng natatanging awtoridad, wala nang iba pang Diyos!

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi I

552. Libu-libong taon nang ginawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan. Nakagawa na ito ng hindi-masabing dami ng kasamaan, nakapanlinlang na ng sunud-sunod na henerasyon, at nakagawa na ng mga karumal-dumal na krimen sa mundo. Naabuso na nito ang tao, nalinlang ang tao, naakit ang tao na salungatin ang Diyos, at nakagawa na ng masasamang pagkilos na nakalito at paulit-ulit na nagpahina sa plano ng pamamahala ng Diyos. Gayunman, sa ilalim ng awtoridad ng Diyos, ang lahat ng bagay at buhay na nilalang ay patuloy na sumusunod sa mga patakaran at batas na itinalaga ng Diyos. Kumpara sa awtoridad ng Diyos, ang masamang kalikasan at kayabangan ni Satanas ay napakapangit, sobrang nakakadiri at kasuklam-suklam, at napakaliit at napakahina. Kahit na naglalakad si Satanas sa gitna ng lahat ng bagay na nilikha ng Diyos, hindi nito kayang gumawa ng katiting na pagbabago sa mga tao, bagay, at layon na iniutos ng Diyos. Nakalipas na ang ilang libong taon, at tinatamasa pa rin ng sangkatauhan ang liwanag at hangin na ipinagkaloob ng Diyos, hinihinga pa rin ang hininga na inihinga ng Diyos Mismo, tinatamasa pa rin ang mga bulaklak, ibon, isda at mga insektong nilikha ng Diyos, at tinatamasa ang lahat ng bagay na ibinigay ng Diyos; patuloy pa rin ang araw at gabi sa pagpapalitan sa isa’t isa; ganoon pa rin ang paghahalinhinan ng apat na panahon; ang lumilipad na gansa sa papawirin ay umaalis sa taglamig, at bumabalik pa rin sa susunod na tagsibol; ang mga isda sa tubig ay hindi kailanman umaalis sa mga ilog at lawa—na kanilang tahanan; ang mga sikada sa lupa ay malakas na kumakanta sa mga araw ng tag-init; ang mga kuliglig sa mga damo ay marahang humuhuni nang sabay sa hangin sa panahon ng taglagas; ang mga gansa ay nagsasama-sama sa kawan, habang nananatiling mag-isa ang mga agila; tinutustusan ng mga grupo ng leon ang kanilang sarili sa pamamagitan ng pangangaso; hindi lumalayo ang usa sa damo at mga bulaklak…. Ang bawat uri ng buhay na nilalang sa gitna ng lahat ng bagay ay umaalis at bumabalik, at muling umaalis pagkatapos, milyun-milyong pagbabago ang nangyayari sa isang kisap-mata—ngunit ang hindi nagbabago ay ang kanilang mga likas na pag-uugali at ang mga batas ng pananatiling buhay. Nabubuhay sila sa ilalim ng panustos at pagpapakain ng Diyos, at walang sinuman ang makakapagbago ng kanilang mga likas na pag-uugali, at walang sinuman ang makakasira sa kanilang mga patakaran ng pananatiling buhay. Bagama’t ang sangkatauhan, na namumuhay sa gitna ng lahat ng bagay, ay nagawa nang tiwali at nalinlang ni Satanas, hindi pa rin maaaring mawala sa tao ang tubig na ginawa ng Diyos, at ang hangin na ginawa ng Diyos, at ang lahat ng bagay na ginawa ng Diyos, at namumuhay pa rin at dumadami ang tao sa espasyong ito na ginawa ng Diyos. Ang likas na pag-uugali ng sangkatauhan ay hindi pa nagbabago. Nakadepende pa rin ang tao sa kanyang mga mata para makakita, sa kanyang mga tainga para makarinig, sa kanyang utak para makapag-isip, sa kanyang puso para makaunawa, sa kanyang mga binti at paa para maglakad, sa kanyang mga kamay para magtrabaho, at iba pa; ang lahat ng likas na pag-uugali na ipinagkaloob ng Diyos sa tao para matanggap niya ang mga panustos ng Diyos ay nananatiling hindi nagbabago, ang mga kakayahan na ginagamit ng tao para makipagtulungan sa Diyos ay hindi nagbago, ang kakayahan ng sangkatauhan para gumanap ng tungkulin bilang isang nilikhang katauhan ay hindi nagbago, ang mga pangangailangang espirituwal ng sangkatauhan ay hindi nagbago, ang pagnanais ng tao para mahanap ang kanyang mga pinagmulan ay hindi nagbago, ang paghahangad ng sangkatauhan na mailigtas ng Lumikha ay hindi nagbago. Ganyan ang kasalukuyang mga kalagayan ng sangkatauhan, na namumuhay sa ilalim ng awtoridad ng Diyos, at nakapagtiis na ng madugong pagkasira na ginawa ni Satanas. Bagaman ang sangkatauhan ay napasailalim na sa pagpapahirap ni Satanas, at hindi na sina Adan at Eba mula sa simula ng paglikha, ngunit sa halip ay puno ng mga bagay-bagay na laban sa Diyos, tulad ng kaalaman, imahinasyon, kuru-kuro, at iba pa, at puno ng mga tiwali at malademonyong disposisyon, sa mga mata ng Diyos, ang sangkatauhan ay ang parehong sangkatauhan pa rin na Kanyang nilikha. Ang sangkatauhan ay pinaghaharian at isinasaayos pa rin ng Diyos, at namumuhay pa rin sa loob ng landas na itinalaga ng Diyos, at kaya sa mga mata ng Diyos, ang sangkatauhan, na ginawa nang tiwali ni Satanas, ay nababalot lamang ng dumi, may kumakalam na sikmura, may kaunting kabagalan ang reaksiyon, may memorya na hindi na kasing talas ng dati, at medyo may katandaan na—ngunit ang lahat ng paggana at likas na pag-uugali ng tao ay lubos na hindi nasira. Ito ang sangkatauhan na hinahangad ng Diyos na iligtas. Kailangan lamang marinig ng sangkatauhan ang tawag ng Lumikha, at marinig ang tinig ng Lumikha, at tatayo siya at magmamadaling hanapin ang pinagmumulan ng tinig na ito. Kailangan lamang makita ng sangkatauhan ang anyo ng Lumikha at siya’y mawawalan na ng pakialam sa lahat ng iba pa, at tatalikuran ang lahat, para ilaan ang kanyang sarili sa Diyos, at ibubuwis pa nga ang kanyang buhay para sa Kanya. Kapag naintindihan ng puso ng sangkatauhan ang taos-pusong mga salita ng Lumikha, tatanggihan ng sangkatauhan si Satanas at lalapit sa tabi ng Lumikha; kapag lubos nang nahugasan ng sangkatauhan ang dumi mula sa kanyang katawan, at muling natanggap ang panustos at pagpapakain ng Lumikha, kung gayon ay mapanunumbalik ang alaala ng sangkatauhan, at sa pagkakataong ito ang sangkatauhan ay tunay nang magbabalik sa pamamahala ng Lumikha.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi I

553. Ang awtoridad ng Diyos ay hindi magagaya ng tao, at ang pagkakakilanlan at katayuan ng Diyos ay hindi magagaya ng tao. Kahit na kaya mong gayahin ang tono ng Diyos sa pagsasalita, hindi mo magagaya ang diwa ng Diyos. Kahit na kaya mong tumayo sa lugar ng Diyos at gayahin ang Diyos, hindi mo kailanman kayang gawin kung ano ang nilalayon na gawin ng Diyos, at hindi mo kailanman makakayang maghari at mag-utos sa lahat ng bagay. Sa mga mata ng Diyos, ikaw ay magiging munting nilalang magpakailanman, at kahit pa gaano kagaling ang iyong mga kasanayan at abilidad, kahit pa gaano karaming kaloob ang mayroon ka, ang kabuuan mo ay nasa ilalim ng pamamahala ng Lumikha. Bagaman kaya mong magsalita ng ilang mapangahas na salita, hindi ito nagpapakita na mayroon ka ng diwa ng Lumikha, ni hindi ito kumatawan na ikaw ay nagtataglay ng awtoridad ng Lumikha. Ang awtoridad at kapangyarihan ng Diyos ay ang diwa ng Diyos Mismo. Hindi natutuhan ang mga ito, o idinagdag sa labas, kundi ang mga ito ay likas na diwa ng Diyos Mismo. At kaya ang relasyon sa pagitan ng Lumikha at ng mga nilalang ay hindi kailanman mababago. Bilang isa sa mga nilalang, kailangang panatilihin ng tao ang kanyang sariling posisyon, at kumilos nang maingat. Matapat na bantayan kung ano ang ipinagkatiwala sa iyo ng Lumikha. Huwag kumilos nang wala sa lugar, o gawin ang mga bagay-bagay na labas sa saklaw ng iyong kakayahan o na kasuklam-suklam sa Diyos. Huwag subukang maging dakila, o maging superman, o mataas sa lahat, o maghangad na maging Diyos. Ito ang hindi dapat nasain ng tao. Katawa-tawa ang paghahangad na maging dakila o superman. Ang paghahangad na maging Diyos ay lalo pang mas kahiya-hiya; ito ay karima-rimarim, at kasuklam-suklam. Ang kapuri-puri, at ang dapat na panghawakan ng mga nilalang nang higit pa sa anumang mga bagay, ay ang maging tunay na nilalang; ito lamang ang tanging mithiin na dapat hangarin ng lahat ng tao.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi I

Sinundan: XI. Mga Salita tungkol sa Pagkilala sa Diyos

Sumunod: B. Tungkol sa Matuwid na Disposisyon ng Diyos

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito